Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 6

Nagbahaginan tayo nitong huli tungkol sa “pagbitiw,” na isa sa mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Ang unang bahagi ng “pagbitiw” ay nangangahulugan ng pagbitiw sa lahat ng negatibong emosyon. Ilang beses na tayong nagbahaginan tungkol sa paksang ito. Nagbahaginan ba tayo tungkol sa mga negatibong emosyon na pagpipigil nitong huli? (Oo.) Ano ang pinagbahaginan natin tungkol dito? Ano ang nagsasanhi sa mga tao na makaramdam ng pagpipigil? (Nagbahagi ang Diyos na ginagawa ng mga tao ang anumang gusto nila sa kanilang mga tungkulin, at ayaw nilang sumunod sa mga tuntunin at regulasyon ng iglesia o sumailalim sa mga limitasyon. Dahil sa kanilang pagiging matigas ang ulo at sa hindi nila pagkilos ayon sa mga prinsipyo, hindi nila magawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kaya madalas silang pinupungusan. Kung hindi nila pagninilay-nilayan ang kanilang mga kilos at hindi nila lulutasin ang kanilang mga problema sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, makararamdam sila ng pagpipigil.) Nitong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa isang uri ng sitwasyon kung saan nararamdaman ng mga tao ang negatibong emosyon na pagpipigil, na pangunahing dahil sa hindi nila magawa ang anumang gusto nila. Ang pagbabahaginang iyon ay pangunahing nauukol sa: mga sitwasyon kung saan hindi magawa ng mga tao ang anumang gusto nila, kung anong mga bagay ang nais gawin ng mga tao ayon sa gusto nila, at kung anong mga karaniwang pag-uugali ang taglay ng mga taong nagpapakalunod sa emosyon ng pagpipigil. Pagkatapos ay nagbahaginan tayo tungkol sa landas na dapat tahakin ng isang tao upang malutas ang emosyong ito. Mayroon na ba kayong anumang naging mga konklusyon matapos marinig ang mga pagbabahaginang ito tungkol sa pagbitiw sa mga negatibong emosyon, kung inihahayag ba ng mga pagbabahaginang ito ang mga pagpapamalas ng mga negatibong emosyon ng tao, o kung sinasabi ba nito sa mga tao ang landas para sa pagbitiw ng mga negatibong emosyon? Sa anong bagay nakatuon ang pagsasagawang ito ng pagbitiw sa mga negatibong emosyon? Pagkatapos makinig sa mga pagbabahaginang ito, pinagnilayan ba ninyo ito? (O Diyos, ang pagkakaunawa ko ay na ang pagsasagawang ito ay nakatuon sa mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay.) Tama, iyan ay isang aspekto nito. Nauukol ito sa mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay. Ang mga pananaw na ito ay pangunahing patungkol sa iba’t ibang ideya at pananaw na kinakapitan ng isang tao sa harap ng iba’t ibang tao, usapin, at bagay, at pangunahing nakatuon sa iba’t ibang problema na kinakaharap ng isang tao sa kanyang normal na buhay at pag-iral. Kabilang sa mga halimbawa nito ay ang: kung paano makisalamuha sa iba, kung paano pagaanin ang poot, ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao ukol sa pag-aasawa, pamilya, trabaho, sa kanyang mga inaasam-asam, pagkakasakit, pagtanda, kamatayan, at maliliit na bagay sa buhay. Patungkol din ito sa kung paano dapat harapin ng isang tao ang kanyang kapaligiran at kung paano niya dapat harapin ang tungkulin na dapat niyang gampanan, bukod sa iba pang mga isyu. Hindi ba’t ang mga bagay na ito ang tinutukoy ng mga pananaw na ito ng mga tao? (Oo nga.) Tungkol naman sa lahat ng malaking isyu at usapin ng prinsipyo na nauugnay sa isang normal na buhay at pag-iral ng tao—kung ang isang tao ay may mga tamang ideya, pananaw, at saloobin, magiging normal ang kanyang pagkatao. Ang ibig Kong sabihin sa “normal” ay ang pagkakaroon ng normal na katwiran at normal na perspektiba at paninindigan sa mga bagay-bagay. Ang mga nagtataglay lamang ng mga tamang ideya at pananaw ang madaling makauunawa at makapapasok sa katotohanan kapag hinahangad nila ito. Nangangahulugan ito na tanging ang mga may normal na ideya at mga normal na pananaw, perspektiba, at paninindigan sa mga tao at bagay ang magkakamit ng mga partikular na resulta sa kanilang paghahangad sa katotohanan. Kung ang perspektiba at paninindigan ng isang tao sa mga tao at bagay, at ang kanilang mga ideya, pananaw, at saloobin ay lahat negatibo, hindi umaayon sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at radikal, mapagmatigas at marumi—sa madaling salita, kung lahat ng ito ay negatibo, nakapipinsala, at nakapanlulumo—kung hahangarin ng isang taong nagtataglay ng mga ganitong uri ng negatibong ideya at pananaw ang katotohanan, magiging madali ba sa kanya na maunawaan at maisagawa ito? (Hindi.) Madali lang para sa inyo na sabihin iyon mula sa isang teoretikal na perspektiba, pero ang totoo, hindi talaga ninyo ito nauunawaan. Sa madaling salita, patungkol sa iba’t ibang negatibong emosyon na pinagbabahaginan natin, kung ang isang tao ay may negatibo at hindi tumpak na perspektiba at paninindigan sa iba’t ibang tao, usapin, at bagay na nakakaharap niya sa kanyang buhay at sa kanyang landas sa buhay, mauunawaan ba niya ang katotohanan? (Hindi.) Kung palagi siyang nagpapakalunod sa mga negatibong emosyon, magkakaroon ba siya ng tunay na pagkaarok sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung palagi siyang pinangingibabawan, kinokontrol, at naiimpluwensyahan ng mga kaisipan at pananaw ng mga negatibong emosyon, hindi ba’t magiging negatibo ang kanyang perspektiba at paninindigan sa lahat ng bagay, at ang kanyang mga pananaw sa mga bagay na nangyayari sa kanya? (Ganoon na nga.) Ano ang ibig sabihin ng “negatibo” rito? Una, masasabi ba natin na sumasalungat ito sa katunayan at mga obhetibong batas? Nilalabag ba nito ang mga batas ng kalikasan na dapat sundin ng tao, gayundin ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Oo.) Kung dala-dala ng mga tao ang mga negatibong ideya at pananaw na ito habang nakikinig at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, makakaya ba talaga nilang tumanggap at magpasakop sa Kanyang mga salita? Makapagpapasakop ba sila sa Diyos at magiging katugma ng Diyos? (Hindi.) Magbigay ng isang halimbawa na naglalarawan nito, upang makita Ko kung naintindihan ninyo. Maghanap ng isang halimbawa kung saan ang isang tao ay nahaharap sa malalaking isyu ng kanyang buhay at kaligtasan, tulad ng mga isyu tungkol sa pag-aasawa, pamilya, mga anak, o karamdaman, tungkol sa kanyang kinabukasan, kapalaran, kung maayos ang takbo ng kanyang buhay, tungkol sa kanyang kahalagahan, katayuan sa lipunan, mga pansaraling interes, at iba pa. (Naaalala ko na nakipagbahaginan ang Diyos noong nakaraan na kapag nagkakasakit ang mga tao, nagpapakalunod sila sa mga negatibong emosyon tulad ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at takot na takot silang mamatay. Nakakaapekto ito sa kanilang kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin at mamuhay nang normal, at hindi nila kayang sumunod sa mga obhetibong batas dahil dito. Ang totoo, ang buhay at kamatayan ng mga tao, kapag nagkasakit sila, at kung gaano sila nagdurusa ay lahat pauna nang itinakda ng Diyos. Dapat harapin at danasin ng mga tao ang mga sitwasyong ito nang may wasto at positibong saloobin. Dapat nilang hanapin ang gamot na kailangan nila, at gawin ang tungkulin na dapat nilang gawin—dapat nilang panatilihin ang isang positibong kalagayan at hindi makulong sa kanilang karamdaman. Ngunit kapag nagpapakalunod ang mga tao sa mga negatibong emosyon, hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi sila naniniwala na pauna nang itinakda ng Diyos ang kanilang buhay at kamatayan. Nag-aalala, natatakot, at nababalisa lamang sila sa kanilang karamdaman. Lalo silang nag-aalala at natatakot—hindi sila pinamumunuan ng katotohanan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, at wala ang Diyos sa puso nila.) Isa iyang magandang halimbawa. May kaugnayan ba ito sa katanungan ng kung anong pananaw ang dapat taglayin ng mga tao sa mahalagang usapin ng buhay at kamatayan? (Oo.) May alam ba kayong lahat tungkol sa paksang ito? Isa itong usapin ng pagharap sa sariling buhay at kamatayan. May kaugnayan ba ito sa mga problema sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao? (Oo.) Isa itong malaking isyu na dapat harapin ng lahat. Kahit na bata ka pa o malusog at hindi ka pa nakaranas ng mga usapin ng buhay at kamatayan, hindi maiiwasang darating ang araw na mararanasan mo ito—isa itong bagay na dapat harapin ng lahat. Bilang isang normal na tao, hindi mahalaga kung personal kang naaapektuhan nito, o kung malayong-malayong mangyari ito sa iyo, ano’t anuman, ito ang pinakamahalagang isyu na haharapin mo sa buhay. Kaya, kapag naharap sa mahalagang usapin ng kamatayan, hindi ba’t dapat na pagnilayan ng mga tao kung paano nila dapat pangasiwaan ang isyung ito? Hindi ba’t panghahawakan nila ang ilang pamamaraan ng tao para harapin ito? Anong mga pananaw ang dapat kapitan ng mga tao? Hindi ba’t isa itong praktikal na isyu? (Oo.) Kung nagpapakalunod ang mga tao sa mga negatibong emosyon, ano ang iisipin nila? Nagbahaginan tayo tungkol dito noon—kung namumuhay ang mga tao sa mga kaisipan at pananaw ng mga negatibong emosyon, naaayon ba sa katotohanan ang kanilang mga kilos at pagpapahayag o hindi? Naaayon ba ang mga ito sa pag-iisip ng normal na pagkatao o hindi? (Hindi ito naaayon.) Hindi naaayon ang mga ito sa pag-iisip ng normal na pagkatao, at lalong hindi naaayon sa katotohanan. Hindi naaayon ang mga ito sa mga obhetibong katunayan o mga obhetibong batas, at tiyak na hindi naaayon sa kataas-tasang kapangyarihan ng Diyos.

Ano ang panghuling resulta ng ating pagbabahaginan tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon? Paano mo partikular na maisasakilos at maisasagawa ang “pagbitiw” upang taglayin ang pag-iisip at katwiran ng normal na pagkatao, sa madaling salita, upang taglayin ang mga kaisipan, perspektiba, at pananaw na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao at katwiran? Ano ang mga partikular na hakbang o landas ng pagsasagawa ang kabilang sa “pagbitiw” na ito? Hindi ba’t ang unang hakbang ay ang makilala kung tama ang iyong mga pananaw sa mga bagay na kinakaharap mo at kung nagdudulot ng anumang negatibong emosyon ang mga ito? Ito ang unang hakbang. Halimbawa, hinggil sa halimbawang binanggit natin kanina tungkol sa pagharap sa sakit at kamatayan, dapat mo munang suriin ang iyong mga pananaw sa gayong mga usapin, kung mayroon bang anumang negatibong emosyon sa mga ito, tulad ng kung nakararamdam ka ba ng anumang pagkabagabag, pag-aalala, o pagkabalisa tungkol sa mga isyung ito at kung paano lumitaw ang iyong pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa, at dapat mong alamin ang ugat ng mga problemang ito. Sunod, magpatuloy sa pagsusuri, at matutuklasan mo na hindi mo pa lubos na nauunawaan ang mga usaping ito. Hindi mo malinaw na napagtatanto na ang lahat ng sa sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos at nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kahit na magkasakit o maharap sila sa kamatayan, hindi dapat masilo ang mga tao sa mga bagay na ito. Sa halip, dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, nang hindi natatakot o nalalamon sa sakit o kamatayan. Hindi sila dapat matakot sa mga bagay na ito, ni hayaang maimpluwensyahan ng mga ito ang kanilang sariling normal na buhay at paggampan sa mga tungkulin. Sa isang aspekto, dapat nilang aktibong danasin at pahalagahan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos habang dumaranas ng karamdaman, at maaari silang magpagamot kung kinakailangan. Ibig sabihin, dapat nilang aktibong harapin, danasin, at pahalagahan ang proseso. Sa ibang aspekto, dapat silang magkaroon ng tamang pagkaunawa sa puso nila tungkol sa mga bagay na ito at maniwala na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Maaari lamang gawin ng mga tao ang kanilang parte, at para sa mga natitirang parte, dapat na silang magpasakop sa kalooban ng Langit. Sapagkat ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang buhay at kamatayan ng mga tao ay pauna nang itinakda ng Diyos. Kahit pa gawin ng mga tao ang dapat nilang gawin, ang panghuling kalalabasan ng lahat ng ito ay hindi nagbabago ayon sa kanilang kagustuhan, at hindi ito itinatakda ng mga tao, tama ba? (Tama.) Kapag nahaharap sa karamdaman, dapat mong suriin muna ang iyong sariling puso at tukuyin ang anumang negatibong emosyon. Dapat mong suriin ang iyong pagkaunawa sa usapin at ang mga pananaw na pinanghahawakan mo sa iyong puso, kung nasa ilalim ka ba ng paglilimita o gapos ng mga negatibong emosyon at kung paano lumitaw ang mga negatibong emosyon na ito. Dapat mong suriin ang mga sumusunod, tulad ng kung ano ang ipinag-aalala mo, kung ano ang iyong kinakatakutan, kung saan ka nakararamdam ng kawalan ng katiyakan, at kung ano ang hindi mo kayang bitiwan dahil sa iyong karamdaman, at pagkatapos ay suriin ang sanhi ng mga bagay na ito na nagpaparamdam sa iyo ng pag-aalala, takot, o pangamba, at unti-unting lutasin ang bawat isa sa mga ito. Dapat mo munang suriin at tuklasin kung umiiral sa loob mo ang mga negatibong elementong ito, at kung ganoon nga, suriin at tiyakin kung tama ang mga ito o kung may mga elemento na hindi umaayon sa katotohanan. Kung nakatutuklas ka ng mga elementong hindi naaayon sa katotohanan, dapat mong hanapin ang mga sagot sa mga salita ng Diyos at unti-unting hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Dapat mong sikaping maabot ang isang kalagayan kung saan hindi ka nababagabag, naaapektuhan, o nakagapos sa mga negatibong elementong ito, nang sa gayon ay hindi nito maapektuhan ang iyong normal na buhay o trabaho o ang pagganap sa iyong mga tungkulin, o makagambala sa kaayusan ng iyong buhay. At, siyempre, hindi ito dapat makaapekto sa iyong pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Bilang buod, ang layon ay upang magawa mong harapin ang mga ganitong uri ng problemang nararanasan mo o mararanasan, nang may katwiran, kawastuhan, kawalang-kinikilingan, at katumpakan. Hindi ba’t ito ang proseso ng pagbitiw? (Oo.) Ito ang partikular na landas ng pagsasagawa. Maaari ba ninyong ibuod kung ano ang partikular na landas ng pagsasagawa? (Una, kailangang maunawaan ng isang tao ang bagay na kinakaharap niya, suriin kung mayroon siyang anumang negatibong emosyon sa prosesong ito, pagkatapos ay maghanap siya ng mga kasagutan sa mga salita ng Diyos, hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito, at huwag hayaan ang kanyang sarili na mabagabag ng mga negatibong emosyong ito, ni maapektuhan ang kanyang buhay at ang paggampan ng kanyang mga tungkulin. Gayundin, dapat siyang maniwala na ang mga bagay na kinakaharap niya ay nagmumula sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kapag may ganitong uri ng pagkaunawa, magagawa ng mga tao na magpasakop at isakatuparan ang isang positibo at maagap na pagsasagawa sa huli.) Sabihin mo sa Akin, kung ang mga tao ay namumuhay sa mga negatibong emosyon, ano ang karaniwan nilang pag-uugali tuwing nahaharap sila sa karamdaman? Paano mo malalaman kung mayroon kang mga negatibong emosyon? (Una, may matinding takot, at kung anu-ano ang maiisip natin tulad ng, “Anong uri ng sakit ito? Magdurusa ba ako nang husto kung hindi ko ito mapapagamot? Mamamatay ba ako dahil dito sa huli? Magagawa ko pa ba ang tungkulin ko kalaunan?” Pag-iisipan natin ang mga bagay na ito, mag-aalala tayo tungkol sa mga ito, at matatakot. Ang ilang tao ay nagsisimulang mas bigyang-pansin ang kanilang kalusugan, hindi handang bayaran ang halaga ng paggawa sa kanilang mga tungkulin, iniisip na kung hindi sila gaanong magbabayad ng halaga, maaaring maibsan ang kanilang karamdaman. Lahat ito ay negatibong emosyon.) Ang mga negatibong emosyon ay maaaring suriin mula sa dalawang anggulo. Sa isang anggulo, dapat mong malaman kung ano ang iniisip mo sa iyong sariling isipan. Kapag nagkasakit ka, marahil ay iisipin mong, “Naku, paano ko nakuha ang sakit na ito? Nahawaan ba ako nito? Dahil ba ito sa pagod ako? Kung patuloy kong papagurin ang sarili ko, mas lalala ba ang karamdamang ito? Mas magiging masakit ba ito?” Ito ay isang anggulo; mahihiwatigan mo ang mga bagay-bagay sa loob ng iyong isipan. Sa ibang anggulo, kapag mayroon kang ganitong mga iniisip, paano naipapamalas ang mga ito sa iyong pag-uugali? Kapag ang mga tao ay may mga iniisip, naiimpluwensyahan ng mga ito ang kanilang mga kilos. Ang mga kilos, pag-uugali, at pamamaraan ng mga tao ay lahat pinamumunuan ng iba’t ibang kaisipan. Kapag ang mga tao ay may ganitong mga negatibong emosyon, nagbubunga ito ng iba’t ibang kaisipan, at pinamumunuan sila ng mga kaisipang ito, at nagbabago ang kanilang mga saloobin o pamamaraan sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Halimbawa, sa nakaraan, kung minsan ay sinisimulan nilang gawin ang kanilang mga tungkulin pagkagising na pagkagising nila. Pero ngayon, kapag oras na para bumangon sa kama, napapaisip sila, “Maaari kayang dahil sa sobrang pagod ang sakit na ito? Siguro kailangan ko pang matulog nang kaunti. Masyado akong nagdusa noon at napapagod nang husto. Ngayon kailangan kong tumutok sa pag-aalaga sa aking katawan para hindi na lumala ang sakit.” Dahil pinangungunahan ng mga aktibong kaisipang ito, sa huli ay mas matagal na silang bumabangon kaysa sa nakagawian. Pagdating sa pagkain, iniisip nila, “Maaaring may kaugnayan ang sakit ko sa kakulangan sa nutrisyon. Noon, pwede akong kumain ng kahit ano, pero ngayon kailangan kong maging mapili. Dapat akong kumain ng mas maraming itlog at karne upang tumaas ang aking nutrisyon at lumakas ang katawan ko—sa ganitong paraan, hindi na ako magdurusa pa sa sakit ko.” Pagdating sa paggawa sa kanilang mga tungkulin, palagi rin nilang iniisip kung paano aalagaan ang kanilang katawan. Noon, pagkatapos ng tuluy-tuloy na pagtatrabaho sa loob ng isa o dalawang oras, nag-iinat lang sila o tumatayo at gumagalaw-galaw. Pero ngayon, nagtatakda sila ng patakaran para sa kanilang sarili na gumalaw-galaw kada kalahating oras, upang hindi sila mapagod. Sa tuwing nagbabahaginan sa mga pagtitipon, sinisikap nilang magsalita nang kaunti hangga’t maaari, iniisip na, “Kailangan kong matutong alagaan ang katawan ko.” Noon, anuman ang itanong ng isang tao, o kahit kailan ito itanong, sasagot sila nang walang pag-aalinlangan. Pero ngayon, gusto nilang hindi gaanong magsalita, para magtipid ng lakas, at kung may isang taong napakaraming katanungan, sasabihin nilang, “Kailangan ko nang magpahinga.” Kita mo, lalo silang nag-aalala tungkol sa kanilang pisikal na katawan, na hindi katulad ng dati. Kadalasan ay palagi rin nilang binibigyang-pansin ang pag-inom ng mga suplemento sa pagkain, kumakain sila ng prutas at regular na nag-eehersisyo. Iniisip nila, “Noon, masyado akong hangal at ignorante at hindi ko alam kung paano alagaan ang aking katawan. Sinunod ko ang aking hilig sa pagkain at nagpakasasa sa katakawan. Ngayong may mga problema na ang katawan ko, kung hindi ko pagtuunang-pansin ang aking kalusugan, at kung lalala ang sakit ko at hindi ko magagawa ang aking tungkulin, makakatanggap pa rin ba ako ng mga pagpapala? Dapat kong bigyang-pansin ang pag-aalaga sa aking katawan sa hinaharap at huwag hayaang lumitaw ang anumang karamdaman.” Kaya nagsisimula silang bigyang-pansin ang kanilang kalusugan, at hindi na nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin nang may buong dedikasyon. Nagsisisi pa nga sila at hindi nasisiyahan sa pagdurusang dinaranas at sa halagang ibinabayad nila noon habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t ang mga kaisipan at pag-uugaling ito ay naiimpluwensyahan at nagmumula sa mga negatibong emosyon? Ang mga kaisipan at pag-uugaling ito ay talaga ngang dulot ng mga negatibong emosyong ito. Kung gayon, ang mga pag-iisip at pag-uugaling ito, kalakip ang mga negatibong emosyon nito, ay makakatulong ba sa kanila na magkaroon ng higit na pananampalataya sa Diyos at maging mas tapat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin? Talagang hindi. Ano ang magiging resulta sa huli? Gagawin nila ang kanilang mga tungkulin nang pabasta-basta at walang debosyon. Kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, kaya ba nilang hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? (Hindi, hindi nila kaya.) Gagawin nila ang anumang gusto nila habang pinangungunahan ng mga negatibong emosyong ito, isinasantabi ang katotohanan, hindi ito pinahahalagahan o isinasagawa. Lahat ng kanilang ginagawa, lahat ng kanilang isinasagawa ay iikot sa mga kaisipang nabuo ng sarili nilang mga negatibong emosyon. Makakamit ba ng isang taong tulad nito ang paghahangad sa katotohanan? (Hindi, hindi nila makakamit.) Kung gayon, ang mga ganitong uri ba ng kaisipan ang dapat taglayin na mga kaisipan ng mga taong may normal na pagkatao? (Hindi.) Dahil ang mga ganitong uri ng kaisipan ay hindi ang mga kaisipang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, sa palagay ninyo, saan sila nagkakamali? (Ang mga tao ay walang anumang pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang totoo, ang mga sakit na ito ay nasa mga kamay ng Diyos lahat. Ang dami ng pagdurusang dapat tiisin ng isang tao ay itinatakda at isinasaayos din ng Diyos. Gayunpaman, kapag namumuhay ang isang tao sa mga negatibong emosyon, may tendensiya siyang magpakana at pinamumunuan siya ng mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw. Umaasa siya sa mga pamamaraan ng tao at pinahahalagahan ang kanyang sariling pisikal na katawan.) Tama ba para sa isang tao na pahalagahan ang kanyang pisikal na katawan nang ganito? Kapag ang isang tao ay labis na nag-aalala tungkol sa kanyang pisikal na katawan at pinananatili itong busog, malusog, at malakas, ano ang halaga nito sa kanya? Ano ang kabuluhan ng pamumuhay nang ganito? Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Ito ba ay para lamang sa pagpapakasasa sa laman tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakaaliw? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? Mangyaring ibahagi ang inyong mga saloobin. (Upang matupad ang tungkulin ng isang nilikha, ito man lang ay dapat na makamit ng isang tao sa kanyang buhay.) Tama iyan. Sabihin ninyo sa Akin, kung ang pang-araw-araw na kilos at kaisipan ng isang tao sa buong buhay niya ay nakatuon lamang sa pag-iwas sa sakit at kamatayan, sa pagpapanatiling malusog at malaya sa mga sakit ang kanilang katawan, at pagsusumikap na magkaroon ng mahabang buhay, ito ba ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao? (Hindi.) Hindi iyon ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao. Kaya, ano ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao? Ngayon lang, may nagbanggit ng paggampan sa tungkulin ng isang nilikha, na isang partikular na aspekto. May iba pa ba? Sabihin ninyo sa Akin ang mga mithiin na karaniwang mayroon kayo habang nananalangin o nagpapasya. (Ang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos para sa amin.) (Ang gampanan nang mabuti ang tungkuling itinalaga ng Diyos para sa amin, at tuparin ang aming misyon at responsabilidad.) May iba pa ba? Sa isang aspekto, ito ay tungkol sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa isa pa, ito ay tungkol sa paggawa ng lahat ng bagay na saklaw ng iyong abilidad at kapasidad sa abot ng iyong makakaya, kahit umabot man lang sa punto kung saan hindi ka inuusig ng iyong konsensiya, kung saan maaaring maging payapa ang konsensiya mo at mapatunayang katanggap-tanggap ka sa paningin ng iba. Dagdag pa rito, sa buong buhay mo, saang pamilya ka man isinilang, anuman ang pinag-aralan mo, o ang iyong kakayahan, dapat mayroon kang pag-unawa sa mga prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao sa buhay. Halimbawa, anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao, paano sila dapat mamuhay, at paano mamuhay nang makabuluhan—dapat mong tuklasin kahit kaunti ang tunay na halaga ng buhay. Hindi maaaring ipamuhay nang walang kabuluhan ang buhay na ito, at hindi maaaring pumarito sa mundong ito ang isang tao nang walang kabuluhan. Sa isa pang aspekto, habang nabubuhay ka, dapat mong tuparin ang iyong misyon; ito ang pinakamahalaga. Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pinag-uusapan natin; pero kahit papaano, dapat may matamo ka. Halimbawa, sa iglesia, ibinubuhos ng ilang tao ang lahat ng kanilang pagsisikap sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, inilalaan ang lakas ng kanilang buong buhay, nagbabayad ng malaking halaga, at nakapagpapabalik-loob ng maraming tao. Dahil dito, pakiramdam nila ay hindi naging walang kabuluhan ang buhay nila, at na mayroon silang halaga at kapanatagan. Kapag nahaharap sa sakit o kamatayan, kapag ibinubuod ang kanilang buong buhay at ginugunita ang lahat ng kanilang ginawa, ang landas na kanilang tinahak, napapanatag ang kanilang puso. Hindi sila nakokonsensiya o nagsisisi. Ang ilang tao ay nagsisikap nang husto habang namumuno sa iglesia o habang nagiging responsable para sa isang partikular na aspekto ng gawain. Inilalabas nila ang kanilang pinakamalaking potensyal, ibinibigay ang lahat ng kanilang lakas, iginugugol ang lahat ng kanilang sigla at binabayaran ang halaga para sa gawain nila. Sa pamamagitan ng kanilang pagdidilig, pamumuno, tulong, at suporta, tinutulungan nila ang maraming tao, sa kabila ng sarili nilang mga kahinaan at pagkanegatibo, na maging matatag at na manindigan, na hindi umatras, at sa halip ay bumalik sa presensya ng Diyos at makapagpatotoo pa nga sa Kanya sa wakas. Higit pa rito, sa panahon ng kanilang pamumuno, naisasakatuparan nila ang maraming mahalagang gawain, inaalis ang higit sa iilang masamang tao, pinoprotektahan ang maraming hinirang ng Diyos, at binabawi ang ilang mabigat na kawalan. Ang lahat ng tagumpay na ito ay nagaganap sa panahon ng kanilang pamumuno. Sa pagbabalik-tanaw sa landas na kanilang tinahak, paggunita sa gawain nila at sa halagang binayad nila sa paglipas ng mga taon, wala silang nararamdamang pagsisisi o pagkakonsensiya. Naniniwala sila na wala silang dapat pagsisihan, at namumuhay sila nang may halaga, at katatagan at ginhawa sa puso nila. Kamangha-mangha iyon! Hindi ba’t ito ang resulta? (Oo.) Ang pakiramdam na ito ng katatagan at kaginhawaan, ang kawalan ng pinagsisisihan, ang mga ito ang resulta at gantimpala ng paghahangad sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Huwag tayong magtakda ng matataas na pamantayan para sa mga tao. Isaalang-alang natin ang isang sitwasyon kung saan nahaharap ang isang tao sa isang gampanin na dapat niyang gawin o gustong gawin sa kanyang buhay. Matapos matuklasan ang kanyang layon, matatag siyang naninindigan sa kanyang posisyon, pinanghahawakan ang kanyang posisyon, nagsusumikap nang husto, nagbabayad ng halaga, at naglalaan ng lahat ng kanyang lakas upang magawa at matapos ang dapat niyang pagsikapan at tapusin. Kapag sa wakas ay tumayo na siya sa harap ng Diyos para mag-ulat, medyo nasisiyahan siya, nararamdaman niyang malinis ang kanyang konsensiya o na wala siyang pinagsisisihan sa kanyang puso. Maginhawa ang kalooban niya at nararamdaman niyang nagantimpalaan siya, na nakapamuhay siya nang may halaga. Hindi ba’t isa itong makabuluhang layon? Anuman ang sukat nito, sabihin mo sa Akin, praktikal ba ito? (Ito ay praktikal.) Ito ba ay espesipiko? Sapat na itong espesipiko, praktikal, at makatotohanan. Kaya, upang makapamuhay siya nang may halaga at sa huli ay makamit ang ganitong uri ng gantimpala, sa tingin mo ba ay sulit para sa pisikal na katawan ng isang tao na magdusa nang kaunti at magbayad ng kaunting halaga, kahit na nakararanas siya ng pagkahapo at pisikal na karamdaman? (Sulit ito.) Kapag ang isang tao ay pumarito sa mundong ito, hindi ito para lamang sa kasiyahan ng laman, ni sa pagkain, pag-inom, at paglilibang. Hindi dapat mamuhay ang isang tao para lamang sa mga bagay na iyon; hindi iyon ang halaga ng buhay ng tao, at hindi rin ang tamang landas. Ang halaga ng buhay ng tao at ang tamang landas na susundin ay kinabibilangan ng pagsasakatuparan ng isang mahalagang bagay at pagtatapos ng isa o maraming trabahong may halaga. Hindi ito tinatawag na propesyon; ito ay tinatawag na tamang landas, tinatawag din itong wastong gampanin. Sabihin mo sa Akin, sulit ba para sa isang tao na magbayad ng halaga para matapos ang ilang gawain na may halaga, mamuhay nang makabuluhan at may halaga, at hangarin at tamuhin ang katotohanan? Kung talagang ninanais mong hangarin at unawain ang katotohanan, na tahakin ang tamang landas sa buhay, na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, kung gayon, hindi ka dapat mag-atubiling ibigay ang lahat ng lakas mo, magbayad ng halaga, at ibigay ang lahat ng iyong oras at kabuuan ng mga araw mo. Kung nakakaranas ka ng kaunting sakit sa panahong ito, hindi na ito mahalaga, hindi ka nito masisira. Hindi ba’t mas nakahihigit ito sa habambuhay na kaginhawahan at kawalang-ginagawa, tinutustusan ang pisikal na katawan hanggang sa puntong busog at malusog na ito, at sa huli ay nagkakamit ng mahabang buhay? (Oo.) Alin sa dalawang mapagpipiliang ito ang mas nakakatulong sa isang buhay na may halaga? Alin ang makapagbibigay ng kaginhawahan at ng walang pagsisisihan sa mga tao kapag naharap sila sa kamatayan sa pinakahuli? (Ang makapamuhay nang makabuluhan.) Ang ibig sabihin ng mamuhay nang makabuluhan ay ang makaramdam ng mga resulta at kaginhawaan sa puso mo. Paano naman iyong mga busog, at nagpapanatili ng kulay-rosas na kutis hanggang kamatayan? Hindi sila naghahangad ng makabuluhang buhay, kaya, ano ang nararamdaman nila kapag namatay sila? (Na parang namuhay sila nang walang kabuluhan.) Ang apat na salitang ito ay tumatagos—namumuhay nang walang kabuluhan. Ano ang ibig sabihin ng “namumuhay nang walang kabuluhan”? (Ang sayangin ang buhay ng isang tao.) Namumuhay nang walang kabuluhan, sinasayang ang buhay ng isang tao—ano ang batayan ng dalawang pariralang ito? (Sa dulo ng kanilang buhay, napagtatanto nila na wala silang nakamit.) Ano ang dapat makamit ng isang tao kung gayon? (Dapat niyang makamit ang katotohanan o maisakatuparan ang mga mahalaga at makabuluhang bagay sa buhay na ito. Dapat niyang gawin nang maayos ang mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha. Kung mabibigo siyang gawin ang lahat ng iyon at mamumuhay lamang para sa kanyang pisikal na katawan, mararamdaman niya na hindi naging makabuluhan ang buhay niya at nasayang lang ito.) Kapag nahaharap sa kamatayan, pagninilayan niya ang kanyang nagawa sa buong buhay niya. Sasabihin niyang, “Ang iniisip ko lang araw-araw ay kumain, uminom, at magsaya. Mabuti ang kalusugan ko, at hindi ako nakaranas ng anumang sakit. Naging mapayapa ang buong buhay ko. Pero ngayong tumatanda na ako at malapit nang mamatay, saan ako pupunta pagkatapos mamatay? Pupunta ba ako sa impiyerno o sa langit? Paano isasaayos ng Diyos ang katapusan ko? Saan ako pupunta para sa aking hantungan?” Hindi siya mapapalagay. Dahil tinatamasa niya ang pisikal na kaginhawahan sa buong buhay niya, wala siyang anumang kamalayan noon, pero ngayon ay hindi siya mapalagay habang papalapit na ang kamatayan. Dahil nababalisa siya, hindi ba’t naiisip niyang bumawi sa mga kamaliang nagawa? May oras pa ba para bumawi sa puntong iyon? (Wala nang oras.) Wala na siyang lakas na tumakbo pa, ni wala na siyang lakas na magsalita. Kahit na gusto niyang magbayad ng kaunting halaga o magtiis ng kaunting paghihirap, hindi sapat ang kanyang pisikal na lakas. Kahit na gusto niyang lumabas at ipangaral ang ebanghelyo, hindi nakakondisyon ang kanyang katawan para dito. Higit pa rito, hindi niya nauunawaan ang anumang katotohanan at hindi makapagbahagi kahit kaunti tungkol dito. Wala na siyang oras para bumawi sa kanyang mga pagkakamali. Sabihin nating gusto niyang makinig sa ilang himno. Habang nakikinig, naiidlip siya. Sabihin nating gusto niyang makinig sa isang sermon. Habang nakikinig, inaantok siya. Wala na siyang sigla, at hindi na maituon ang kanyang atensiyon. Iniisip niya kung ano ang ginawa niya sa lahat ng taong iyon, at kung saan niya ginugol ang kanyang lakas. Ngayon, matanda na siya, at gusto niyang asikasuhin ang nararapat na gawain para sa kanya, pero hindi na siya pinahihintulutan ng kanyang nanghihinang katawan. Sadyang wala na siyang lakas, wala na siyang anumang matututunan kahit pa gustuhin niya, at mabagal ang kanyang mga tugon. Hindi niya maunawaan ang maraming katotohanan, at kapag sinusubukan niyang magbahagi sa iba, abala ang lahat at walang oras na makipagbahaginan sa kanya. Wala siyang mga prinsipyo o landas sa anumang ginagawa niya. Ano ang mangyayari sa kanya sa huli? Habang mas nagninilay-nilay siya, mas lalong hindi siya napapalagay. Habang mas nagninilay-nilay siya, mas lalo siyang nakokonsensiya. Habang mas nagninilay-nilay siya, mas marami siyang pinagsisisihan. Sa huli, wala na siyang magagawa kundi ang maghintay sa kamatayan. Tapos na ang kanyang buhay, at wala nang paraan para makabawi pa. Nakokonsensiya ba siya? (Oo.) Huli na! Wala nang natitirang oras. Kapag nahaharap sa kamatayan, napagtatanto niya na ang pagtatamasa sa isang buhay ng pisikal na kaginhawahan ay pawang walang kabuluhan. Nauunawaan na niya ang lahat, at nais niyang makabalik sa dati para hangarin ang katotohanan at tuparin ang kanyang tungkulin at gawin ang isang bagay nang maayos, ngunit hindi niya kayang makamit ang anuman o magsikap para sa anumang bagay sa anumang aspekto. Malapit nang matapos ang buhay na ito, nagtatapos ito sa pagsisisi, nang may dalang pagkakonsensiya at pagkabalisa. Ano ang huling kahihinatnan para sa mga taong tulad nito kapag nahaharap sa kamatayan? Maaari lamang silang mamatay nang nagsisisi, nakokonsensiya, at nababalisa. Ang buhay na ito ay naging walang kabuluhan! Ang kanilang pisikal na katawan ay hindi nagtiis ng anumang paghihirap. Nagtamasa lamang sila ng kaginhawahan, nang hindi nalalantad sa hangin o araw, o nang hindi nakikipagsapalaran. Hindi sila nagbayad ng anumang halaga. Namuhay sila nang may mabuting kalusugan, bihirang makaranas ng anumang sakit, halos hindi pa nga sila nagkakasipon. Naalagaan nilang mabuti ang kanilang pisikal na katawan, ngunit sa kasamaang-palad, hindi nila natupad ang anumang tungkulin o nakamit ang anumang katotohanan. Sa sandali lamang ng kamatayan sila nakararamdam ng pagsisisi. At paano kung nagsisisi nga sila? Ito ay tinatawag na pagdurusa bilang resulta ng kanilang sariling mga kilos!

Kung nais ng isang tao na mamuhay nang may halaga at makabuluhan, dapat niyang hangarin ang katotohanan. Una sa lahat, dapat siyang magkaroon ng tamang pananaw sa buhay, gayundin ng tamang mga kaisipan at pananaw sa iba’t ibang malalaki at maliliit na bagay na kanyang kinakaharap sa buhay at sa kanyang landas sa buhay. Dapat din niyang tingnan ang lahat ng bagay na ito mula sa tamang perspektiba at paninindigan, sa halip na harapin ang iba’t ibang problemang nakakaharap niya sa kanyang buhay o sa kanyang pang-araw-araw na buhay gamit ang labis-labis o radikal na mga kaisipan at pananaw. Siyempre, hindi rin niya dapat tingnan ang mga bagay na ito mula sa isang sekular na perspektiba, at sa halip ay dapat niyang bitiwan ang gayong negatibo at maling mga kaisipan at pananaw. Kung nais mong makamit ito, dapat mo munang suriin, ilantad, at kilalanin ang iba’t ibang negatibong kaisipan na kinikimkim ng mga tao, at pagkatapos ay magawang baguhin at itama ang iyong iba’t ibang negatibong emosyon, bitiwan ang mga ito, at tamuhin ang mga tama at positibong kaisipan at pananaw, gayundin ang mga tamang perspektiba at paninindigan sa pagtingin sa mga tao at bagay. Sa paggawa nito, tataglayin mo ang konsensiya at katwiran na kinakailangan para mahangad ang katotohanan. Siyempre, partikular na masasabing kapag ang isang tao ay nagtataglay ng mga tamang pananaw, perspektiba, at paninindigan para sa pagtingin sa mga tao at bagay, iyon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng normal na pagkatao. Kung nagtataglay ang mga tao ng ganitong uri ng normal na pagkatao at ng mga tamang kaisipan at pananaw na ito, nagiging hindi gaanong mahirap at nagiging lubos na mas madali para sa kanila na hangarin ang katotohanan. Katulad ito ng kapag nais ng isang tao na marating ang isang destinasyon—kung siya ay nasa tamang landas at patungo sa tamang direksyon, anuman ang kanyang bilis, makakarating siya sa destinasyong iyon sa huli. Gayunpaman, kung ang isang tao ay patungo sa direksyon na salungat sa kanyang nilalayon na patutunguhan, gaano man siya kabilis o kabagal, mas mapapalayo lamang siya sa kanyang layon. Ano ang tingin mo sa idyomang iyon? “Sinusubukang pumunta sa timog sa pamamagitan ng pagmamaneho pa-hilaga.” Katulad lang ito ng kung paanong nananampalataya sa Diyos ang ilang tao at nagnanais ng kaligtasan, ngunit hinahangad nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, na nangangahulugan na hindi nila makakamit ang kaligtasan. Ano ang kanilang kalalabasan sa huli? Tiyak na sila ay maparurusahan. Upang magbigay ng isang halimbawa, sabihin nating ang isang tao ay nagkaroon ng cancer at natatakot siyang mamatay. Ayaw niyang tanggapin ang kamatayan at palagi siyang nagdarasal sa Diyos na protektahan siya mula sa kamatayan at pahabain ang kanyang buhay nang ilang taon pa. Dala-dala niya ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa araw-araw, bagaman nagawa niyang mabuhay nang ilan pang taon, natatamo ang kanyang layon at nararanasan ang kaligayahan na nagmumula sa pag-iwas sa kamatayan. Pakiramdam niya ay masuwerte siya, at naniniwala na napakabuti ng Diyos, na ang Diyos ay tunay na kahanga-hanga. Sa pamamagitan ng sariling pagsisikap ng taong iyon, paulit-ulit na pagsusumamo, pagmamahal sa sarili, at pag-aalaga sa sarili, naiiwasan niya ang kamatayan, at sa huli, nagpapatuloy siyang mabuhay, gaya ng nais niya. Nagpapahayag siya ng pasasalamat sa pangangalaga, biyaya, pagmamahal, at awa ng Diyos. Araw-araw siyang nagpapasalamat sa Diyos at lumalapit sa Kanya upang mag-alay ng papuri para dito. Madalas siyang umiiyak habang kumakanta ng mga himno at nagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, at iniisip niya kung gaano kamangha-mangha ang Diyos: “Talagang kontrolado ng Diyos ang buhay at kamatayan; tinulutan Niya akong mabuhay.” Habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa bawat araw, madalas niyang iniisip kung paano uunahin ang pagdurusa at ilalagay sa huli ang kasiyahan, at kung paano magiging mas mahusay kaysa sa iba sa lahat ng bagay, upang mapangalagaan niya ang kanyang sariling buhay at maiwasan ang kamatayan—sa huli, nabubuhay siya nang ilang taon pa, at lubos na nasisiyahan at masaya. Ngunit isang araw, lumalala ang kanyang sakit, at binibigyan siya ng doktor ng panghuling abiso, sinasabi sa kanya na maghanda na para sa katapusan. Nahaharap siya ngayon sa kamatayan; tunay na nasa bingit na siya ng kamatayan. Ano kaya ang magiging reaksyon niya? Dumating na ang pinakakinatatakutan niya, nangyayari na ang pinaka-inaalala niya. Dumating na ang araw na pinakaayaw niyang makita at maranasan. Sa isang iglap, nasisiraan siya ng loob at nawawalan ng pag-asa. Ayaw na niyang gampanan ang kanyang tungkulin, at wala na siyang mga natitirang salita para ipanalangin sa Diyos. Ayaw na niyang purihin ang Diyos o pakinggan ang Diyos na magsalita ng anumang salita o magtustos ng anumang katotohanan. Hindi na siya naniniwala na ang Diyos ay pagmamahal, katuwiran, awa, at kabaitan. Kasabay nito, nagsisisi siya, “Sa lahat ng taon na ito, nakalimutan kong kumain ng mas masarap na pagkain at lumabas at magsaya sa mga libre kong oras. Ngayon wala na akong pagkakataon na gawin ang mga bagay na iyon.” Puno ng mga hinaing at panaghoy ang isipan niya, at puno ng pasakit ang puso niya, pati na rin ng mga reklamo, hinanakit, at pagtatatwa sa Diyos. Pagkatapos, nang may pagsisisi, nililisan niya ang mundong ito. Bago siya umalis, nasa puso pa rin ba niya ang Diyos? Naniniwala pa rin ba siya sa pag-iral ng Diyos? (Hindi na siya naniniwala.) Paano nangyari ang kinalabasang ito? Hindi ba’t nagsimula ito sa mga maling pananaw na pinanghahawakan niya tungkol sa buhay at kamatayan mula pa sa simula? (Oo.) Hindi lamang siya nagtataglay ng maling mga kaisipan at pananaw mula sa simula, kundi ang mas malala pa, pagkatapos nito ay sumunod at umayon siya sa sarili niyang mga kaisipan at pananaw sa kanyang paghahangad pasulong. Hindi siya kailanman sumuko, at sumugod at tumakbo siya papunta sa maling landas nang hindi lumilingon. Bilang resulta, nawalan siya ng pananalig sa Diyos sa huli—ang kanyang paglalakbay sa pananalig ay nagtapos sa ganitong paraan, at ganoon nagwakas ang kanyang buhay. Natamo ba niya ang katotohanan? Nakamit ba siya ng Diyos? (Hindi.) Nang sa wakas ay mamatay siya, nagbago ba ang mga perspektiba at saloobin sa kamatayan na pinanghahawakan niya? (Hindi.) Namatay ba siya nang may ginhawa, kagalakan, at kapayapaan, o nang may pagsisisi, pag-aatubili, at sama ng loob? (Namatay siya nang may pag-aatubili at sama ng loob.) Wala siyang anumang nakamit. Hindi niya natamo ang katotohanan, at hindi rin siya nakamit ng Diyos. Kaya, masasabi ba ninyo na natamo ng ganitong uri ng tao ang kaligtasan? (Hindi.) Hindi siya naligtas. Bago siya namatay, hindi ba’t hindi siya masyadong nagpakaabala at gumugol nang husto? (Oo, ganoon na nga.) Tulad ng ibang tao, nanampalataya siya sa Diyos at tinupad ang kanyang tungkulin, at sa panlabas, tila wala siyang pagkakaiba sa iba. Nang makaranas siya ng sakit at kamatayan, nagdasal siya sa Diyos at hindi pa rin niya tinalikuran ang kanyang tungkulin. Patuloy siyang nagtatrabaho gaya ng dati. Gayunpaman, mayroong isang bagay na dapat maunawaan at makita ng mga tao: Ang mga kaisipan at pananaw na kinikimkim ng taong ito ay palaging negatibo at mali. Gaano man siya nagdusa o gaano man kalaki ang halagang ibinayad niya habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kinimkim niya ang mga maling kaisipan at pananaw na ito sa kanyang paghahangad. Palagi siyang pinamumunuan ng mga ito at dinadala ang kanyang mga negatibong emosyon sa kanyang tungkulin, naghahangad na ialay sa Diyos ang paggampan ng kanyang tungkulin kapalit ng sarili niyang kaligtasan, para makamit ang kanyang pakay. Ang layon ng kanyang paghahangad ay hindi upang maunawaan o makamit ang katotohanan, o magpasakop sa lahat ng pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang layon ng kanyang paghahangad ay ang mismong kabaligtaran nito. Nais niyang mamuhay ayon sa sarili niyang kagustuhan at mga hinihingi, makuha ang nais niyang hangarin. Gusto niyang isaayos at pangasiwaan ang sarili niyang kapalaran at maging ang sarili niyang buhay at kamatayan. At kaya, sa huli, ang nagiging kahihinatnan niya ay na wala siyang anumang nakamit. Hindi niya natamo ang katotohanan at sa huli ay itinatwa niya ang Diyos, at nawalan siya ng pananalig sa Diyos. Kahit na papalapit na ang kamatayan, bigo pa rin siyang maunawaan kung paano dapat mamuhay ang mga tao at kung paano dapat ituring ng isang nilikha ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Iyon ang pinakakahabag-habag at pinakakalunos-lunos na bagay sa kanya. Kahit nasa bingit na ng kamatayan, bigo siyang maunawaan na sa buong buhay ng isang tao, ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha. Kung nais ng Lumikha na mabuhay ka, kung gayon, kahit na naghihirap ka sa isang nakamamatay na sakit, hindi ka mamamatay. Kung nais ng Lumikha na mamatay ka, kung gayon, kahit na bata ka pa, malusog, at malakas, kapag oras mo na, dapat kang mamatay. Ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, ito ang awtoridad ng Diyos, at walang sinuman ang makakahigit dito. Nabigo siyang maunawaan ang gayon kasimpleng katotohanan—hindi ba’t kahabag-habag iyon? (Oo.) Sa kabila ng pananampalataya niya sa Diyos, pagdalo sa mga pagtitipon, pakikinig sa mga sermon, at paggampan sa kanyang tungkulin, sa kabila ng kanyang paniniwala sa pag-iral ng Diyos, paulit-ulit siyang tumatangging kilalanin na ang tadhana ng tao, kabilang na ang buhay at kamatayan, ay nasa mga kamay ng Diyos sa halip na nasasailalim sa kagustuhan ng tao. Walang namamatay dahil lang sa gusto ng taong iyon, at walang nabubuhay dahil lang sa gusto niyang mabuhay at takot siya sa kamatayan. Bigo siyang maunawaan ang gayon kasimpleng katunayan, bigo siyang makita ito kahit na nahaharap sa nalalapit na kamatayan, at hindi pa rin niya alam na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay hindi itinatakda ng kanyang sarili, at sa halip ay nakasalalay ito sa paunang pagtatalaga ng Lumikha. Hindi ba’t kalunos-lunos ito? (Oo.) Samakatuwid, bagamat tila hindi mahalaga sa mga tao ang iba’t ibang negatibong emosyon, lahat sila ay kabilang sa saloobin ng isang tao sa pagtingin sa mga tao at mga bagay sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao. Kung positibong mahaharap ng isang tao ang bawat uri ng bagay na nangyayari sa isang normal na buhay at pag-iral ng tao, medyo magiging mas kaunti ang kanyang mga negatibong emosyon. Masasabi rin na ang kanyang konsensiya at katwiran ay magiging medyo normal, kaya’t magiging mas madali para sa kanya na hangarin ang katotohanan at pumasok sa realidad, binabawasan ang mga paghihirap at hadlang na kakaharapin niya. Kung ang puso ng isang tao ay puspos ng lahat ng uri ng negatibong emosyon, na nangangahulugan na punong-puno siya ng iba’t ibang negatibong kaisipan sa kanyang pagharap sa mga hamon ng buhay at pag-iral, kung gayon, mahaharap siya sa mas maraming hadlang at paghihirap sa kanyang paghahangad sa katotohanan. Kung hindi malakas ang kagustuhan niyang hangarin ang katotohanan, kung wala siyang labis na sigasig, o napakalaking pagnanais para sa Diyos, kung gayon, magiging malaki ang mga paghihirap at hadlang na kakaharapin niya sa kanyang paghahangad sa katotohanan. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na mahihirapan siyang pumasok sa katotohanang realidad. Kung isinasantabi ang kalubhaan ng kanyang tiwaling disposisyon, magagapos na siya ng mga negatibong emosyon lang na ito, na magpapahirap sa kanyang bawat hakbang. Kapag ang ilang tao ay nahaharap sa poot, galit, iba’t ibang uri ng pasakit, o iba pang problema, ang iba’t ibang saloobin na umuusbong mula sa kanila ay negatibo. Ibig sabihin, sa halos lahat ng bagay, palaging pinangingibabawan ng mga negatibong emosyon ang kanyang katayuan. Kung wala ka ng kinakailangang determinasyon at tiyaga para malutas ang mga negatibong emosyon na ito at makaahon mula sa katayuang ito ng mga negatibong emosyon, magiging napakahirap para sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad. Hindi ito magiging madali. Nangangahulugan ito na bago pumasok sa realidad ng paghahangad sa katotohanan, dapat munang taglayin ng mga tao ang pinakapangunahing tamang pag-iisip, pananaw, at paninindigan hinggil sa bawat problemang nauugnay sa normal na pagkatao. Saka lamang nila mauunawaan at matatanggap ang katotohanan, at unti-unti silang makapapasok sa katotohanang realidad. Bago pormal na hangarin ang katotohanan, kailangan mo munang lutasin ang iyong iba’t ibang negatibong emosyon at lampasan ang yugtong ito. Sa sandaling malampasan ng mga tao ang yugtong ito, at tama lahat ang kanilang mga kaisipan at pananaw hinggil sa iba’t ibang bagay, gayundin ang perspektiba at paninindigan nila sa pagtingin sa mga tao at mga bagay, kung gayon, magiging mas madali para sa kanila ang paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad.

Nitong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa isang dahilan kung bakit lumilitaw ang negatibong emosyon na pagpipigil sa mga tao. Ito ay sa kadahilanang hindi nila magawa ang anumang gusto nila. Ngayon ay patuloy tayong magbabahaginan sa isa pang dahilan ng paglitaw nitong negatibong emosyon na pagpipigil—ang mga tao ay madalas na nabubuhay sa napipigilan na damdaming ito dahil hindi nila magamit ang kanilang kadalubhasaan. Hindi ba’t isang dahilan pa ito? (Oo.) Nitong huli, pinag-usapan natin kung paanong madalas naisin ng ilang tao na gawin ang anumang gusto nila sa iglesia o sa kanilang pang-araw-araw na buhay, walang ginagawa at hindi naaasikaso ang kanilang nararapat na gawain, kaya kapag hindi natutupad ang kanilang mga ninanais, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Sa pagkakataong ito, magbabahaginan tayo tungkol sa mga pagpapamalas ng ibang grupo ng mga tao. Ang mga taong ito ay nagtataglay ng mga partikular na kaloob, kalakasan, o propesyonal na kasanayan at abilidad, o naging dalubhasa sila sa isang partikular na uri ng teknikal na propesyon, at iba pa, pero hindi nila magamit nang normal ang kanilang mga kaloob, kalakasan, at propesyonal na kasanayan sa loob ng iglesia, at bilang resulta, madalas silang nalulumbay, nararamdaman na ang buhay sa kapaligirang ito ay hindi komportable at hindi masaya, at na wala silang kagalakan. Sa madaling salita, ang salitang naglalarawan sa damdaming ito ay pagpipigil. Sa sekular na lipunan, ano ang tawag sa mga taong ganito? Tinatawag silang mga propesyonal, teknikal na eksperto, at espesyalistang dalubhasa—sa madaling salita, tinutukoy sila bilang mga eksperto. Anong mga katangian ang taglay ng mga eksperto? Malalapad ang kanilang noo at matitingkad ang kanilang mata, nakasuot sila ng salamin, at tiwala sila sa kanilang sarili, mabilis maglakad, desidido at mahusay na inaasikaso ang mga bagay-bagay. Ang pinakakapansin-pansing tanda sa kanila ay na nagdadala sila ng mga laptop sa kanilang bag saanman sila magpunta. Agad silang kinikilala bilang mga propesyonal at teknikal na eksperto. Sa madaling salita, ang ganitong mga tao ay may mga partikular na propesyonal na abilidad o mga medyo bihasa sa isang partikular na uri ng teknolohiya. Nakatanggap sila ng propesyonal na edukasyon at pagtuturo, at sumailalim sila sa propesyonal na instruksyon at pagsasanay, o ang ilan sa kanila ay maaaring hindi nakatanggap ng propesyonal na pagtuturo at pagsasanay, ngunit ipinanganak sila na nagtataglay ng ilang talento at kakayahan. Ang mga taong tulad nito ay kilala bilang mga propesyonal at teknikal na eksperto. Kapag ang mga taong ito ay sumapi sa iglesia, tulad ng sa lipunan, madalas nilang dala-dala ang kanilang laptop sa paligid, at nais nilang makilala bilang mga propesyonal at teknikal na eksperto saanman sila nagtatrabaho. Nasisiyahan silang matawag na eksperto at mas gusto pa nga nilang idagdag ang salitang “Propesor” bago ang kanilang apelyido, at iba pa; gusto nilang matrato at matawag sa ganitong paraan. Gayunpaman, ang iglesia ay isang espesyal na lugar, at isang lugar ng espesyal na gawain. Naiiba ito sa alinmang grupo o anumang organisasyon o institusyon sa sekular na lipunan. Ano ang kadalasang tinatalakay rito? Ang katotohanan, mga prinsipyo, mga panuntunan, at mga pagsasaayos ng gawain, gayundin ang pagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at patotoo sa Diyos. Siyempre, ang mas kongkreto, hinihingi rin sa mga tao na isagawa ang katotohanan, magpasakop sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at sa mga prinsipyong ipinapahayag nito, at iba pa. Sa sandaling maisulong ang mga malinaw na panuntunang ito, at kinakailangan ng mga tao na isagawa at sundin ang mga ito, mararamdaman ng mga ekspertong ito na sumapi sa iglesia na medyo naagrabyado sila. Ang mga kasanayang natutunan nila o ang kaalamang hawak nila sa ilang aspekto ay madalas na hindi nagagamit sa iglesia. Karaniwan na sila ay hindi inilalagay sa mahahalagang posisyon o hindi tinitingala, at madalas silang isinasantabi. Natural na nararamdaman nilang wala silang ginagawa, at na hindi nagagamit ang kanilang mga abilidad. Ano ang nasasa-isip nila? “Naku, katulad lang ito ng kasabihang, ‘Kung ang isang tigre ay bumaba sa kapatagan, siya ay iinsultuhin ng mga aso’! Noong nagtrabaho ako sa isang kompanya na pagmamay-ari ng estado o ng dayuhan, napakaringal niyon! Hindi ko man lang kinakailangang bitbitin ang sarili kong bag, isinasaayos ng iba ang bawat aspekto ng aking pang-araw-araw na buhay at nagtatrabaho sila para sa akin. Hindi ko kinakailangang mag-alala sa anumang bagay. Isa akong ekspertong may mataas na ranggo, isang dalubhasang technician, kaya malaking asset ako sa kompanya. Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang malaking asset? Nangangahulugan ito na kung wala ako, hindi gagana ang kompanya, hindi ito makakakuha ng anumang order, at kakailanganin ng lahat ng empleyado nito na huminto muna sa pagtatrabaho—manganganib na malugi ang kompanya, hindi nito kaya nang wala ako. Iyon ang mga araw ng kaluwalhatian, isang panahon na talagang nararamdaman kong napapansin ako!” Ngayong nananampalataya sila sa Diyos, gusto pa rin nilang tamasahin ang parehong antas ng kaluwalhatian. Iniisip nila, “Sa mga abilidad kong ito, lalong dapat na magkaroon ako ng posisyon para sumikat sa sambahayan ng Diyos. Kaya bakit hindi ako nagagamit? Bakit lagi akong nakakaligtaan ng mga lider at ng mga kapatid sa iglesia? Ano ba ang kulang ko kumpara sa iba? Kung hitsura ang pag-uusapan, may hitsura naman ako; pagdating sa pag-uugali, hindi naman ako mas masama kaysa sa iba; pagdating sa reputasyon at katanyagan, wala akong anumang problema; at pagdating sa mga teknikal na kadalubhasaan, nangunguna ako. Kaya, bakit walang pumapansin sa akin? Bakit walang nakikinig sa aking mga salita at mungkahi? Bakit hindi ako pinahahalagahan sa sambahayan ng Diyos? Maaari kayang hindi nangangailangan ang sambahayan ng Diyos ng isang ekspertong tulad ko? Bakit walang anumang pagkakataon para sa akin na magamit ang mga kasanayan ko mula nang pumarito ako? Tiyak na ang isang aspekto ng gawain sa sambahayan ng Diyos ay nangangailangan ng mga teknikal na kasanayan na natutunan ko. Dapat pinahahalagahan ang aking kadalubhasaan dito! Isa akong propesyonal, dapat akong maging lider ng grupo, isang superbisor, isang pinuno—dapat kong pamunuan ang ibang tao. Bakit ba lagi na lang akong isang tauhan? Walang pumapansin sa akin, walang gumagalang sa akin. Ano ang nangyayari? Ito ba talaga ang pagtrato na dapat kong matanggap kung hindi ko nauunawaan ang katotohanan?” Paulit-ulit nila itong itinatanong sa kanilang sarili, ngunit kailanman ay hindi nila mahanap ang mga kasagutan, kaya’t nasasadlak sila sa pagpipigil.

Nang umakyat ang choir sa entablado para kumanta, minsan nilang tinanong sa Akin ang tungkol sa ayos ng kanilang buhok. Sabi Ko, “Maaaring ipusod ng mga sister ang kanilang buhok o gupitin ito na ang haba ay hanggang sa tainga o hanggang balikat. Siyempre, maaari din nila itong itali at ipulupot sa likod ng kanilang ulo. Ang mga brother ay maaaring magpagupit ng crew cut o hawiin ang kanilang buhok. Hindi na kailangan ng anumang palamuti o pag-eestilo. Siguraduhin lamang na mukha itong maayos, malinis, pulido, at natural. Sa madaling salita, hangga’t mukha kang matuwid at marangal, at mukha kang Kristiyano, ayos lang iyon. Ang pinakamahalaga ay ang kumanta at gampanan ang programa nang maayos.” Malinaw ba ang pagkasabi ng Aking mga salita? Madali bang intindihin ang mga ito? (Oo.) Ang mga ayos ng buhok para sa mga lalaki at babae ay nailinaw. Ano ang mga prinsipyo para sa pagpili ng mga ayos ng buhok? Ang mga brother ay maaaring hawiin ang kanilang buhok o magpa-crew cut, at ang mga sister ay maaaring magkaroon ng maikli o mahabang buhok. Kung mahaba ito, maaari nilang ipusod ito, at kung maikli naman, siguraduhin lang na hindi ito masyadong maikli. Iyon ang isang prinsipyo. Ang isa pang prinsipyo ay kalinisan at kaayusan, isang hitsura na positibo at marangal, at isang positibong karakter. Hindi natin nilalayon na maging mga kilalang tao o sikat na tao sa lipunan. Hindi tayo naghahangad ng isang glamorosong imahe, kundi isang matuwid at marangal na hitsura lamang. Sa madaling salita, dapat malinis, maayos, matuwid at marangal tingnan ang isang tao. Malinaw ba Ako? Madali bang maunawaan at maisakatuparan ang dalawang prinsipyong ito? (Madali.) Sa sandaling marinig ito ng mga tao, malinaw nilang nauunawaan ang mga ito sa puso nila, at hindi na kailangang ulitin ang mga ito. Lahat ito ay napakadaling magawa. Pagkatapos nang mahigit sampung araw, pinadalhan nila Ako ng video. Habang pinapanood ko ito, nakita ko ang tatlo o apat na hanay ng mga sister. Ang unang hilera ay may naka-estilo na buhok, bawat isa ay may iba’t ibang hairstyle at pagkakaayos. Magkakaiba ang hitsura ng bawat isa, kakatwa ang hitsura ng bawat estilo, at ang ilang sister na nasa edad bente ay tila edad treinta o kwarenta na, at ang ilan ay mukhang matatandang babae. Sa madaling salita, magkakaiba ang ayos ng buhok ng bawat tao. Sinabi ng taong nagpadala ng video, “Naghanda kami ng maraming iba’t ibang ayos ng buhok para mapagpipilian Mo. Maaari Kang pumili ng alinman sa mga ito, at magagawa namin ito. Hindi ito magiging mahirap para sa amin! Pagkatapos Mong pumili, sabihin Mo lang sa amin at magagawa namin ito, walang problema!” Ano sa tingin ninyo ang naramdaman Ko pagkatapos panoorin ang video na ito? Medyo nasuklam Ako, at nang suriin Ko ito nang mas malapitan, nagsimula Akong mainis. Nang maalala ko ang mga prinsipyong ipinaliwanag Ko sa kanila, sa huli ay hindi Ako nakaimik. Hindi Ko alam ang sasabihin. Naisip Ko, “Hindi nakakaintindi ang mga taong ito ng wika ng tao.” Pinagnilayan Ko ang mga salitang sinabi Ko at ang mga prinsipyong ipinahayag Ko sa kanila, tungkol sa kung paanong ang lahat ng ito ay mga bagay na kayang maunawaan at maintindihan ng sinuman. Ang gayong mga simpleng bagay ay hindi mahirap para sa mga tao, at magagawa ito ng mga tao—ngunit bakit nila Ako pinadalhan ng ganoong video? Pagkatapos magsiyasat, napagtanto Ko na hindi ito dahil sa hindi Ko naipaliwanag nang malinaw ang Aking punto, at lalong hindi dahil sa sinabi Ko sa kanila na gumawa ng iba’t ibang ayos ng buhok. Mayroong dalawang dahilan ang pag-uugaling ito: Ang isang dahilan ay na hindi nila naunawaan ang Aking mga salita. Ang isa pang dahilan ay na, sa sandaling magawa ng mga tao ang isang bagay, sa sandaling nauunawaan nila ang isang bagay at naging dalubhasa sila sa ilang kasanayan at pamamaraan, hindi na nila alam ang kanilang posisyon sa sansinukob. Hindi nila iginagalang ang sinuman at palaging gustong magpakitang-gilas. Labis-labis silang nagiging mayabang. Kahit na nauunawaan nila ang Aking mga salita, hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang mga ito. Hindi nila isinasapuso ang Aking mga salita, hindi itinuturing na mahalaga ang mga ito, at binabalewala lang ang sinasabi Ko. Sadyang hindi sila interesado sa kung ano ang ipinagagawa Ko sa kanila o sa kung ano ang kailangan Ko. Nang tanungin nila Ako tungkol sa mga prinsipyo, ang totoo ay natukoy na nila kung ano ang kanilang gagawin at kung paano nila ito gagawin. Ang pagtanong nila sa Akin ay isa lamang na hakbang sa kanilang proseso. Hindi ba’t isang uri ng pangungutya na itanong nila iyon? (Oo.) Pagkatapos ng kanilang pangungutya, anuman ang sinabi Ko, sa huli ay ginawa nila kung ano ang gusto nila, nang hindi man lang sinusunod ang Aking mga salita. Masyadong matigas ang ulo nila! Ano ba ang iniisip nila? “Minamaliit Mo kami. Kami ay mga propesyonal na technician. Nakikipag-ugnayan kami sa mga maimpluwensyang tao sa lipunan. Mayroon kami nitong mga kasanayan at kadalubhasaan, at saan man kami magpunta, makapamumuhay kami nang maganda at makakukuha ng respeto ng mga tao. Kapag pumapasok kami sa sambahayan ng Diyos, saka lang kami nagiging tagapagserbisyo, at palagi kaming minamaliit. Mayroon kaming mga kasanayan, mga eksperto kami, hindi kami mga ordinaryong tao. Dapat kaming igalang sa sambahayan ng Diyos. Hindi Mo maaaring pigilan ang aming mga talento nang ganito. Ginagamit namin ang aming kadalubhasaan sa sambahayan ng Diyos, at dapat na suportahan at tulungan Mo kami.” Hindi ba’t ito ay walang galang at hindi makatwiran? (Oo.) Mayroon bang anumang normal na pagkatao rito? (Wala.) Nang makita Ko ito, naisip Ko, “Ah, hindi mapakikiusapan ang mga taong ito!” Nang sabihin Ko sa kanila ang mga prinsipyo, paulit-ulit Ko pa silang tinanong, “Naiintindihan ba ninyo? Matatandaan ba ninyo?” Masinsinan silang nangako sa harap Ko, ngunit sa sandaling tumalikod sila ay agad nilang binawi ang pangako nila. Nagsabi sila ng mga bagay na napakagandang pakinggan, “Narito ako para gampanan ang aking tungkulin, narito ako para palugurin ang Diyos.” Iyan ba ang tinatawag mong paggampan sa iyong tungkulin? Talaga bang pinalulugod mo ang Diyos? Pinalulugod mo ang iyong sariling laman, ang iyong sariling reputasyon. Narito ka para hangarin ang sarili mong propesyon, hindi para gampanan ang iyong tungkulin. Sa madaling salita, pumasok ka sa sambahayan ng Diyos upang gumawa ng kaguluhan. Sabihin mo sa Akin, sino ang may huling salita sa mga prinsipyong dapat itaguyod ng mga tao sa lahat ng aspekto ng gawain sa sambahayan ng Diyos? Ikaw ba o ang Diyos? (Ang Diyos ang may huling salita.) Ang iyong mga salita ba ang katotohanan, o ang sa Diyos? (Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan.) Lahat ng sinasabi ninyo ay isang uri ng doktrina. Kung ang doktrinang iyon ay hindi umaayon sa katotohanan, nagiging isang maling paniniwala ito. Yamang inaamin ninyo na ang sinasabi Ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ito magawang tanggapin? Bakit kapag kinakausap Ko kayo, wala itong epekto? Nagsasabi kayo ng magagandang bagay sa harap Ko, pero sa likod Ko, hindi ninyo isinasagawa ang katotohanan. Ano ba ang nangyayari? Kapag nagtataglay ang tiwaling sangkatauhan ng kaunting talento, kadalubhasaan, o ideya, nagiging mayabang sila at lumalabis ang kanilang pagtingin sa sarili, at tumatanggi silang sumunod sa sinuman. Hindi sila nakikinig sa sinasabi ng sinuman sa kanila. Hindi ba’t masyado itong hindi makatwiran? Kung iniisip ninyong tama ang ginagawa ninyo, kung gayon ay bakit ninyo pinapasuri sa Akin ito? Kapag tinutukoy Ko ang inyong mga kapintasan at inilalantad ang inyong mga pagkakamali, bakit hindi ninyo ito kayang tanggapin? Hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, pero pwede Akong makipagbahaginan sa inyo tungkol sa katotohanan. Alam Ko kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, alinsunod sa mga prinsipyo, nang may banal na kadisentehan. Alam Ko kung paano kumilos sa paraang nagpapatibay sa iba. Kayo ba? Kung hindi man lang ninyo alam ang mga bagay na ito, bakit hindi pa rin ninyo matanggap ang katotohanan? Bakit hindi ninyo gawin ang sinasabi Ko?

Ang ilang tao ay mahuhusay sa pagsusulat; likas silang may talento sa paggamit ng wika at paghahatid ng mga ideya. Maaari ding may antas sila ng galing sa kakayahang pampanitikan, gumagamit ng partikular na mga pamamaraan at istilo kapag naglalarawan ng mga bagay-bagay. Ngunit ang pagkakaroon ba ng mga katangiang ito ay nangangahulugan na nauunawaan nila ang katotohanan? (Hindi.) Ito ay isang aspekto lamang ng kaalaman, isang aspekto ng mga kaloob at talento ng isang tao. Nangangahulugan ito na nagtataglay ka ng isang partikular na talento, na ikaw ay mahusay sa pagsusulat at pagpapahayag ng mga ideya sa pamamagitan ng wika, at na ikaw ay may malawak na kaalaman sa paggamit ng mga salita. Dahil sa pagiging magaling sa gayong mga bagay, napapaisip ang ilang tao, “Ako ang mahusay magsulat sa sambahayan ng Diyos; dapat akong lumahok sa tekstuwal na gawain.” Mabuti na magkaroon ng maraming tao na nakikibahagi sa tekstuwal na gawain; kailangan ito ng sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos ay hindi lamang kung saan ka mahusay, o ang iyong mga propesyonal na kakayahan. Ang iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan ay mga kasangkapan lamang para sa gawaing sinasalihan mo. Anuman ang iyong mga propesyonal na abilidad at antas ng kasanayan, dapat mong iayon ang iyong sarili sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos at kamtin ang ninanais na mga resulta at layon na itinakda ng sambahayan ng Diyos. May mga hinihinging pamantayan at nauugnay na prinsipyo para sa mga resulta at layong ito ang sambahayan ng Diyos; hindi ka nito hinahayaang kumilos batay sa iyong personal na panlasa o mga kagustuhan. Halimbawa, ang ilang tao ay may mga mahusay na kasanayan sa pagsusulat, at sumusulat sila ng mga script na may detalyadong wika at malinaw na organisadong balangkas. Ngunit nakakamit ba niyon ang ninanais na resulta? Malayo na makamit ng mga ito ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, ang gayong mga script ay sadyang hindi pumapasa sa pamantayan. Gayunpaman, ang mga scriptwriter na ito ay nakakaramdam ng kasiyahan at kumpiyansa sa kanilang abilidad na magsulat ng magarbong wika, at mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. Hindi nila nauunawaang dapat makamit ng isang script ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, ng pagpapalaganap ng salita ng Diyos. Ito ang layon. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos na ang isang script ay dapat naglalarawan sa mga salita ng Diyos na binabasa ng pangunahing tauhan, at sa tunay na pagkaunawang nakakamit ng pangunahing tauhan sa pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos sa ilalim ng patnubay ng gawain ng Diyos. Sa isang aspekto, dapat itong magsilbing patotoo sa Diyos, at sa isa pang aspekto, dapat nitong ipalaganap ang Kanyang salita. Saka lamang nakakamit ng script ang ninanais na resulta. Ito ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Sa tingin ba ninyo ay pinahihirapan nito ang mga tao? (Hindi.) Hindi, ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, ang mga scriptwriter na ito ay ayaw gawin ito sa ganitong paraan. Ang saloobin nila ay, “Perpekto at detalyado na ang isinulat ko. Kung hihilingin mo sa akin na idagdag ang materyal na iyon, labag ito sa aking intensyon. Hindi ako nasisiyahan dito, at ayaw kong isulat ito sa ganoong paraan.” Bagamat ang materyal na ito ay atubiling idinagdag kalaunan, malaki na ang ipinagbago ng kanilang emosyon sa panahong iyon. Sinasabi ng ilan, “Masyado kaming napipigilan na gawin ang tungkulin namin sa sambahayan ng Diyos. Laging may mga taong nagpupungos at naghahanap ng mali sa amin. Pakiramdam ko ay talagang ginigipit ako, sabi nga nila, hindi maaaring maging mapili ang mga nanlilimos. Kung pwede lang sana na ako ang may huling salita at na masusulat ko kung ano ang gusto ko, napakaganda sana niyon! Habang ginagawa ang tungkulin namin sa sambahayan ng Diyos, palagi naming kailangang makinig sa iba at tanggapin ang pagpupungos. Masyado akong napipigilan nito!” Ito ba ang tamang saloobin? Anong klase ng disposisyon ito? Masyado itong mayabang at mapagmagaling! May mga nasa choir din na gumagawa ng tungkulin ng paglalagay ng make-up. Gusto nila ang mga hairstyle ng mga walang pananampalataya, ngunit ang naging resulta ng mga hairstyle na iyon ay tinanggihan. Bakit? Sapagkat ayaw ng sambahayan ng Diyos ng mga mala-demonyong hairstyle; gusto nito ang mga hairstyle na normal, marangal, at matuwid. Anuman ang hairstyle na kaya mong gawin, maaari kang pumaroon at ipakita ito sa mundo ng mga walang pananampalataya. Kailangan nila ang gayong mga eksperto, ngunit hindi ito kailangan ng sambahayan ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na handa silang gawin ang hairstyle na ito nang libre sa sambahayan ng Diyos, pero kahit magkagayon ay hindi pa rin ito nagugustuhan o pinapahalagahan; nakakasuklam na masaksihan ito. Ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos ay ang magmukha kang marangal at matuwid, tulad ng isang disenteng tao. Hindi nito kailangan na maging elegante ka, magmukhang maharlika sa palasyo, at tiyak na hindi tulad ng isang prinsesa, isang maharlikang babae, isang mayamang binata, o isang maharlikang lalaki. Tayo ay mga ordinaryong tao, walang anumang katayuan, posisyon, o halaga, ang pinakanormal at hindi kapansin-pansing mga tao. Pinakamainam na maging isang ordinaryong tao, hindi marangal o pino, na magsuot ng mga ordinaryong damit at magmukhang isang ordinaryong tao, na hindi magpanggap, kundi masiyahan sa kung ano ang kaya mong gawin at makontento sa pamumuhay bilang isang ordinaryong tao nang walang ambisyon o hangarin. Ito ang pinakamainam, ito ang buhay ng isang taong may normal na pagkatao. Isa ka lang ordinaryong tao, ngunit palagi kang nagsisikap na kumilos tulad ng isang marangal na tao. Hindi ba’t kasuklam-suklam iyon? (Kasuklam-suklam iyon.) Palagi mong sinusubukang ipakita ang iyong kadalubhasaan sa sambahayan ng Diyos at magpakitang-gilas. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, mahalaga ba na ipangalandakan ang iyong kadalubhasaan? Kung tunay na may halaga ito, kung gayon, katanggap-tanggap ito. Ngunit kung wala itong anumang halaga at sa halip ay nakagagambala at nakasisira, kung gayon ay ipinapakita mo lang ang iyong kasuklam-suklam na kalikasan at mga hindi kanais-nais na katangian. Alam mo ba ang mga kahihinatnan ng pagbubunyag ng mga gayong bagay? Kung hindi mo alam, mangyaring huwag ibunyag ang mga ito. Kung anong kaya mong gawin, anong mga teknikal na kasanayan ang taglay mo, anong mga espesyal na talento na likas kang mahusay o taglay mo, wala sa mga iyon ang itinuturing na marangal; isa ka lang ordinaryong tao. Sinasabi ng ilang tao, “Bihasa ako sa maraming wika.” Kung gayon, magtrabaho ka bilang isang tagasalin ng wika at gawin nang maayos ang iyong pagsasalin; pagkatapos ay maaari ka nang ituring na isang mabuting tao. Sinasabi ng ilang tao, “Kaya kong bigkasin ang buong Xinhua Dictionary.” Ano naman ngayon kung nasaulo mo na ang buong Xinhua Dictionary? Binibigyan ka ba niyon ng kakayahan na maipalaganap ang ebanghelyo? Binibigyan ka ba niyon ng kakayahan na magpatotoo sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Kaya kong magbasa ng sampung linya sa isang sulyap. Kaya kong magbasa ng 100 pahina ng salita ng Diyos sa isang araw. Tingnan mo ang kasanayang ito, hindi ba’t kahanga-hanga ito?” Maaaring nakakabasa ka ng 100 pahina ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao sa isang araw, ngunit ano ang naiintindihan mo mula rito? Anong aspekto ng katotohanan ang nauunawaan mo? Kaya mo bang isagawa ito? Sinasabi ng ilang tao, “Isa akong batang henyo. Kaya ko nang kumanta at magsulat ng mga tula sa edad na lima.” Kapaki-pakinabang ba iyon? Maaaring hinahangaan ka ng mga walang pananampalataya, ngunit wala kang silbi sa sambahayan ng Diyos. Sabihin nating hinihiling Ko sa iyo na gumawa ng isang kanta ngayon na nagpupuri sa Diyos. Magagawa mo ba ito? Kung hindi mo magagawa, ibig sabihin ay hindi mo nauunawaan ang anumang aspekto ng katotohanan. Ang pagkakaroon lamang ng mga kaloob ay hindi isang malaking bagay. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, wala kang anumang matatamo. Anuman ang mga kaloob, kasanayan, o talento na taglay ng isang tao, ang totoo ay mga kasangkapan lamang ang mga ito. Kung magagamit ang mga ito para sa mga positibong bagay at magkakaroon ng positibong epekto, maaaring sabihin na may halaga ang mga ito. Kung hindi magagamit ang mga ito para sa mga positibong bagay o kung wala itong positibong epekto, kung gayon, walang halaga ang mga ito, at walang silbi at pabigat lang sa iyo ang matutunan ang mga ito. Kung magagamit mo ang iyong mga propesyonal na kasanayan o talento sa pagganap ng iyong tungkulin at matutupad mo ang isang gampanin sa sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, masasabing nagamit sa tamang lugar at nagkaroon ng silbi ang iyong mga propesyonal na kasanayan at talento—ito ang halagang taglay ng mga ito. Sa kabilang banda, kung hindi mo man lang magamit ang mga ito sa iyong pagganap ng tungkulin, kung gayon, ang iyong mga propesyonal na kasanayan at talento ay walang halaga at wala ring halaga sa Akin. Halimbawa, ang ilang tao ay likas na magaling magsalita at mahusay magpahayag, at mga bihasang lingguwista at mabilis mag-isip. Maaari itong ituring na isang talento. Sa mundo, kung ang ganitong mga tao ay lumalahok sa pampublikong pagsasalita, publisidad, o negosasyon, o nagtatrabaho bilang mga hukom, abogado, o sa mga kaparehong trabaho, kung gayon, mayroon silang lugar para sa kanilang mga talento. Subalit sa sambahayan ng Diyos, kung nagtataglay ka ng gayong talento ngunit hindi mo nauunawaan ang anumang aspekto ng katotohanan, maging ang isang batayang pagkaunawa sa katotohanan ng mga pangitain, at hindi mo kayang magpalaganap ng ebanghelyo o magpatotoo sa Diyos, kung gayon, walang halaga ang iyong kaloob o talento. Kung palagi kang umaasa sa iyong kaloob, ibinibida ang iyong talento saan ka man magpunta, nagyayabang at nangangaral ng mga salita at doktrina, magiging kasuklam-suklam ka sa mga tao. Dahil ang bawat salitang sasabihin mo ay magiging nakakasuka, at ang bawat kaisipan o pananaw na ipapahayag mo ay magiging nakakayamot. Kung gayon, mas mabuting manahimik ka na lang. Habang mas sinusubukan mong ipresenta ang iyong sarili at gumanap, mas nagiging kasuklam-suklam ka. Sasabihin ng mga tao na, “Manahimik ka na! Ang mga sinasabi mo ay pawang doktrina, pero sino ba ang hindi pa nakauunawa nito? Ilang taon ka nang nangangaral? Walang ipinagkaiba ang mga salita mo sa mga salita ng mga Pariseo, puno ng mga walang kabuluhang teorya na nagpaparumi sa kapaligiran ng iglesia. Walang gustong makinig!” Kita mo, dahil dito ay nagagalit at nasusuklam ang mga tao. Samakatuwid, mas mainam para sa iyo na lalong tumuon sa katotohanan at lalong maghangad ng pagkaunawa sa katotohanan, at iyon ay isang tunay na abilidad. Habang mas sinasabi Ko ito, mas lalong napipigilan itong mga taong “may kakayahan” at “eksperto,” iniisip nila na, “Ito na ang katapusan, wala nang magagawa. Noon pa man ay itinuturing ko na ang sarili ko na may talento, mahusay at inilalagay sa mahahalagang posisyon saanman ako magpunta. Hindi ba’t may kasabihan na, ‘Kung ito ay ginto, sa malao’t madali ay kikinang ito’? Ngunit sa hindi inaasahan, wala akong nagawa sa sambahayan ng Diyos. Napipigilan ako, masyado akong napipigilan! Paano ako humantong sa ganito?” Ang pananampalataya sa Diyos ay isang magandang bagay, kaya bakit ang mga napakahusay at magaling na ekspertong tulad nito ay napipigilan kapag pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos? Napakatagal na nilang nararamdamang napipigilan sila, kaya’t nagdurusa sila sa depresyon. Ni hindi na nga sila marunong magsalita o kumilos. Sa huli, sinasabi ng ilan, “Masyadong nakapipigil sa pakiramdam ang palaging napupungusan. Ngayon, mas maayos na ang ugali ko, at sumasang-ayon ako sa anumang sinasabi ng mga lider ng iglesia o ng mga lider ng grupo, palaging tumutugon ng ‘oo’ o ‘sige.’” Maaaring mukhang natuto na silang magpasakop at sumunod, ngunit hindi pa rin nila nauunawaan ang mga prinsipyo o kung paano gampanan nang tama ang kanilang mga tungkulin. Dala nila itong pakiramdam ng napipigilan at nararamdaman nilang galit sila at na hindi sila pinahahalagahan. Kapag tinanong tungkol sa antas ng kanilang edukasyon, sinasabi ng ilan, “Nakuha ko ang aking bachelor’s degree,” ang iba naman, “Mayroon akong Master’s,” ang iba, “Mayroon akong Ph.D.,” o “Nagtapos ako sa paaralang pangmedisina,” “Nag-aral ako ng finance,” o “Nag-aral ako ng management,” habang ang iba ay mga programmer o inhinyero. Kung wala pa silang “Dr.” na titulo sa pangalan nila, mayroon silang ibang pormal na titulo. Ang mga taong ito ay hindi tinatawag na ganoon sa sambahayan ng Diyos, hindi rin sila tinatrato nang may anumang mataas na pagpapahalaga. Madalas silang napipigilan at pakiramdam nila nawawalan sila ng pagkakakilanlan. Ang iglesia ay may lahat ng uri ng eksperto, kabilang ang mga musikero, mananayaw, gumagawa ng pelikula, technician, propesyonal sa negosyo, ekonomista, at maging mga pulitiko. Habang kasama ang mga kapatid, madalas sabihin ng mga taong ito, “Isa akong respetadong executive sa isang kompanyang pag-aari ng estado. Ako ang senior executive ng isang multinasyonal na korporasyon. Ako ang CEO, sino ang kinatakutan ko ni minsan? Kanino ako nagpasakop ni minsan? Ipinanganak akong may mga kasanayan sa pamamahala, at saan man ako magpunta, dapat nasa posisyon ako ng awtoridad, dapat ako ang namumuno, ang palaging namamahala sa ibang tao, at walang sinuman ang maaaring mamahala sa akin. Kaya, sa sambahayan ng Diyos, dapat hindi ako bababa pa sa pagiging isang lider ng grupo o sa isang taong namamahala!” Hindi nagtatagal, nagiging malinaw sa lahat na ang mga taong ito ay walang katotohanang realidad, walang kakayahang gumawa ng anumang gampanin, at talagang mayabang at may labis na pagtingin sa sarili. Nabibigo silang gampanan nang tama ang anumang tungkulin, at sa huli, ang ilan sa kanila ay maaari lamang italaga sa mga manual labor, habang ang iba ay palaging ayaw magpasakop, palaging nagsisikap na ipakita ang kanilang mga abilidad, at nanggugulo. Bilang resulta, nagdudulot sila ng napakalaking kaguluhan, ginagalit nila ang kongregasyon, at sa huli ay pinapaalis sila. Hindi ba’t mararamdaman ng mga taong ito na napipigilan sila? Sa huli, ibinubuod nila ang kanilang karanasan sa isang pahayag: “Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar para sa mga taong may talento tulad natin. Katulad tayo ng mga kabayong may purong lahi, ngunit walang nakakakilalang hukom sa sambahayan ng Diyos. Ang mga nananalig sa Diyos ay mga mangmang at walang alam, lalo na iyong mga lider sa iba’t ibang antas. Bagamat nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila nakikilala na kami ay mga purong lahi. Dapat kaming umalis at maghanap ng taong makakapansin sa aming mga talento.” Sa huli, umabot sila sa konklusyong ito. May ibang nagsasabi na, “Masyadong maliit ang lugar sa sambahayan ng Diyos para pagkasyahin kami. Lahat kami ay mahahalagang tao, habang ang mga nananalig sa Diyos ay mga hamak na tao mula sa mabababang uri ng lipunan: mga magsasaka, mga nagtitinda sa kalsada, at mga may-ari ng maliliit na negosyo. Walang mga nangungunang eksperto sa kanila. Bagamat maliit ang iglesia, ang mundo ay malawak, at sa napakalaking mundo, siguradong may lugar para sa amin. Kaming mga mahuhusay ay makakahanap din ng magpapahalaga sa amin sa takdang panahon!” Hilingin natin na maging mapalad ang mga taong ito sa paghahanap ng isang taong magpapahalaga sa kanila, maaari ba nating gawin iyon? (Sige.) Sa araw na magpaalam sila sa atin pagkatapos makahanap ng magpapahalaga sa kanila, bigyan natin sila ng isang hapunan ng pamamaalam at hilingin na mahanap nila ang lugar na nararapat sa kanila, na malaya sa anumang emosyon ng pagpipigil. Nawa’y magkaroon sila nang mas magandang buhay kaysa sa atin, at magkaroon sila ng mapayapang buhay. Sa pagsasabi natin nito, medyo gumaan ba ang pakiramdam ng mga taong ito na may napipigilang emosyon? Ang kanilang mga pakiramdam ng paninikip sa dibdib, pamamaga sa ulo, bigat sa puso, iniinda sa katawan, at pagkabalisa—naglaho ba ang mga damdaming iyon? Sana ay matupad ang kanilang mga hiling, nang hindi na sila mapipigilan, at nang makapamuhay na sila nang masaya at malaya.

Sabihin ninyo sa Akin, sa tingin ba ninyo, sadyang pinahihirapan ng sambahayan ng Diyos ang mahuhusay na indibidwal na ito? (Hindi.) Talagang hindi. Kung gayon, bakit ang iba’t ibang prinsipyo, pagsasaayos ng gawain, at ang mga hinihingi para sa bawat gawain sa sambahayan ng Diyos ay nagbubunga na maramdaman nilang napipigilan sila? Bakit nakukulong ang mahuhusay na indibidwal na ito sa loob ng mga damdaming napipigilan sa sambahayan ng Diyos? Nagkamali ba ang sambahayan ng Diyos? O sadyang pinahihirapan ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito? (Wala sa mga ito ang dahilan.) Kung doktrina ang pag-uusapan, nauunawaan ninyong lahat na talagang mali ang dalawang paliwanag na ito. Kung gayon, bakit ito nangyayari? (Ito ay dahil ipinagpipilitan ng mga tao ang kadalubhasaang nakuha nila sa sekular na mundo o ang kanilang mga pansariling kagustuhan sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin.) Ngunit tinutulutan ba sila ng sambahayan ng Diyos na ipagpilitan ang mga bagay na ito sa mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan? Talagang hindi. Napipigilan ang ilang tao dahil hindi ito pinahihintulutan ng sambahayan ng Diyos. Ano sa tingin ninyo ang dapat nilang gawin tungkol doon? (Bago gawin ang bawat tungkulin, kailangan muna nilang maunawaan ang mga hinihingi at prinsipyo na mayroon ang sambahayan ng Diyos para sa tungkuling iyon. Matapos tumpak na maunawaan ang mga prinsipyong ito, maaari na nilang gamitin ang propesyonal na kadalubhasaan nila sa makatwirang paraan.) Tama ang prinsipyong ito. Ngayon sabihin ninyo sa Akin, ang palagiang pagnanais ba na ipakita ang kadalubhasaan ng isang tao at ang pagpapasikat ng kanyang mga abilidad sa sambahayan ng Diyos ang tamang panimula? (Hindi.) Bakit ito mali? Pakipaliwanag ang dahilan. (Ang layunin nila ay magpakitang-gilas at maitangi ang kanilang sarili—hinahangad nila ang sarili nilang propesyon. Hindi nila iniisip kung paano nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin o kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, gusto nilang kumilos ayon sa sarili nilang mga kagustuhan, nang hindi pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo.) Paano tinitingnan ng iba ang bagay na ito? (Ang palaging pagpapakitang-gilas sa tuwing may nangyayari ay isang satanikong disposisyon. Hindi nila iniisip kung paano gawin ang kanilang mga tungkulin at magpatotoo sa Diyos; palagi nilang gustong magpatotoo sa kanilang sarili, at likas na mali ang landas na ito.) Ang panimulang puntong ito ay likas na hindi tama, tiyak iyon. Kaya, bakit ito mali? Isa itong isyu na lahat kayo ay hindi kayang pabulaanan. Tila lahat kayo ay napipigilan, at na gusto ninyong lahat na ipakita ang inyong kadalubhasaan para maipakitang-gilas ang inyong mga abilidad—hindi ba’t tama iyon? Sa mga walang pananampalataya, may isang kasabihan, ano ito? “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para bigyan ka ng isang bagay na titingnan” Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng “pagpapakitang-gilas sa iyong mga abilidad”? (Oo.) Ang pagpapakitang-gilas sa iyong mga abilidad ay nangangahulugan ng pagnanais na ipakita ang iyong mga kakayahan at magpasikat, upang magkamit ng katanyagan at katayuan sa ibang tao, at upang hangaan. Sa pinakamababa, ito ay tungkol sa pagnanais na gamitin ang pagkakataong maipakitang-gilas ang mga abilidad ng isang tao upang ipaalam at abisuhan ang iba na: “Mayroon akong ilang tunay na kasanayan, hindi ako isang ordinaryong tao, huwag ninyo akong maliitin, isa akong indibidwal na may talento.” Kahit papaano, iyon ang kahulugan sa likod nito. Kaya, kapag ang isang tao ay may ganoong mga intensiyon at laging gustong ipakitang-gilas ang kanyang mga abilidad, ano ang likas na katangian nito? Gusto niyang hangarin ang sarili niyang propesyon, pamahalaan ang sarili niyang katayuan, matiyak ang kanyang posisyon at katanyagan sa mga tao. Ganoon lang iyon kasimple. Hindi nila ito ginagawa para gampanan ang kanilang tungkulin, o para sa kapakanan ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila naghahangad sa katotohanan at kumikilos ayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Ginagawa nila ito para sa kanilang sarili, upang mas maging kilala sila, upang maiangat ang kanilang halaga at reputasyon; ginagawa nila ito para ihalal sila ng mga tao bilang superbisor o lider. Sa sandaling mahalal sila bilang lider o manggagawa, hindi ba’t magkakaroon na sila ng katayuan? Hindi ba’t magiging sentro na sila ng atensyon? Ito ang kanilang hinahangad, gayon kasimple ang kanilang panimulang punto—ito ay walang iba kundi ang paghahangad ng katayuan. Sadya nilang hinahangad ang katayuan, at hindi nila pinoprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang mga interes nito.

Paano dapat magsagawa ang mga taong may mga kaloob at talento upang maiwasan ang pakiramdam ng napipigilan? Madali ba itong gawin? (Madali lang ito.) Kaya, paano ninyo malulutas ang mga negatibong emosyon na pagpipigil na nagmumula sa hindi paggamit sa inyong kadalubhasaan? Unang-una, kailangan mong maunawaan kung ano ang mga teknikal na kasanayan, o anumang uri ng mga talento at kadalubhasaan, ang pinag-aaralan at pinagkakadalubhasaan ng mga tao—ang mga ito ba ang buhay mismo? (Hindi.) Maaari bang maklasipika ang mga ito bilang mga positibong bagay? (Hindi.) Hindi makaklasipika bilang mga positibong bagay ang mga ito; ang pinakamainam nang klasipikasyon ay na isang uri ng kasangkapan ang mga ito. Sa lipunan at sa sekular na mundo, ang mga ito ay mga abilidad na nagbibigay-daan lamang sa mga tao na makapagtustos nang sapat para sa kanilang sarili at mapanatili ang kanilang kaligtasan. Ngunit sa mga mata ng sambahayan ng Diyos, nakakuha ka lang ng isang uri ng teknikal na kasanayan; ito ay isang uri lamang ng kaalaman, ito ay isang uri ng simple at purong kaalaman. Tiyak na hindi ito nagpapahiwatig ng pagiging marangal o pagiging aba ng isang tao—hindi masasabing mas marangal kaysa sa iba ang isang tao dahil lamang sa nagtataglay siya ng isang partikular na kadalubhasaan o kasanayan. Kaya, paano makikita ang pagiging marangal o aba ng isang tao? Sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang pagkatao, kanilang mga hinahangad, at sa landas na kanilang tinatahak. Ang mga teknikal na kasanayan o kadalubhasaan ay maaari lamang kumatawan sa kung anong partikular na kasanayan o kaalaman ang nakamit mo, gaano kalalim o kababaw ang iyong pagkaunawa rito, at kung anong antas ng kahusayan ang natamo mo rito. Ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ay maaari lamang talakayin sa usapin ng kahusayan, dami, lalim, at kung ang isang tao ay lubos na bihasa sa larangang iyon, o may mababaw lang na kaalaman tungkol dito. Hindi ito maaaring gamitin para suriin ang kalidad ng pagkatao ng isang tao, ang kanilang mga hinahangad, o ang landas na kanilang tinatahak. Ang mga ito ay isang uri lamang ng kaalaman o kasangkapan. Ang kaalaman o kasangkapang ito ay maaaring magbigay-daan sa iyo na gumanap ng ilang nauugnay na gampanin, o gawin kang mas mahusay sa isang partikular na gawain, ngunit nagbibigay lang ito sa iyo ng seguridad sa trabaho at ng isang garantisadong kabuhayan. Iyon lang. Paano man tingnan ng lipunan ang iyong mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan, ano’t anuman, ganito tinitingnan ng sambahayan ng Diyos ang mga ito. Hindi kailanman magiging iba ang pagturing ng sambahayan ng Diyos sa isang tao, hindi gagawa ng mga eksepsiyon para itaas ang ranggo nito, o malibre siya sa anumang pagpupungos, o anumang uri ng pagkastigo o paghatol, dahil lamang sa nagtataglay siya ng espesyal na uri ng kasanayan. Anumang teknikal na kasanayan o kadalubhasaan ang maaaring taglay ng isang tao, umiiral pa rin ang kanyang tiwaling disposisyon, at siya ay tiwaling tao pa rin. Ang mga kaloob, talento, at teknikal na kasanayan ng isang tao ay hiwalay at walang kaugnayan sa tiwaling disposisyon ng isang tao, at wala rin itong kinalaman sa pagkatao o katangian ng isang tao. Ang ilang indibidwal ay bahagyang may mas mahusay na kakayahan, mataas na katalinuhan, o matalas na isip at pang-unawa, na nagbibigay-daan sa kanila na matuto ng medyo mas malalim na kaalaman kapag nag-aaral ng ilang teknikal na kasanayan. Nagkakamit sila ng medyo mas malalaking tagumpay at resulta, at nagtatamo ng higit pang tagumpay at resulta kapag gumaganap ng trabahong kinabibilangan ng propesyong ito. Sa lipunan, maaaring magdulot ito sa kanila ng medyo mas malaki at mas mataas na kita, at bahagyang mas mataas na katayuan, mataas na ranggo, o katanyagan sa loob ng kanilang larangan. Iyon lamang. Gayunpaman, wala sa mga ito ang nagpapahiwatig sa landas na kanilang nilalakaran, sa kanilang mga hinahangad, o sa kanilang saloobin sa buhay at pag-iral. Ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ay mga bagay na purong nasa larangan ng kaalaman, at walang kinalaman ang mga ito sa mga iniisip, pananaw, o perspektiba at paninindigan ng isang tao sa anumang bagay. Hindi konektado ang mga ito sa mga bagay na ito sa anumang paraan. Siyempre, ang mga ideyang itinataguyod sa ilang larangan ng kaalaman ay mga maling pananampalataya at maling paniniwala na inililigaw ang mga tao mula sa pag-unawa sa katotohanan at pagkilala sa mga positibong bagay. Ibang usapin pa iyon. Dito, ang tinutukoy natin ay purong kaalaman at mga teknikal na kasanayan, na hindi nagbibigay ng anumang positibo o aktibong suporta at pagtutuwid sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao o sa normal na pagkatao. Wala ring kakayahan ang mga ito na pigilan o paghigpitan ang tiwaling disposisyon ng isang tao. Iyon ang kalikasan niya. Kung ang isang tao ay nasa larangan man ng panitikan, musika, o anumang aspekto ng sining, sa agham, aghambuhay, o chemistry, o sa disenyo, arkitektura, komersiyo, o maging sa craftsmanship, anuman ang larangan, ang kalikasan ng kanilang teknikal na kaalaman ay ganito—ito ang diwa nito. Sa tingin ba ninyo ay tumpak ang pagkakasabi Ko? (Oo.) Nasaang larangan ka man o kung aling mga teknikal na kasanayan man ang pinag-aaralan mo, o kung may taglay kang likas na kadalubhasaan, hindi nito ipinahihiwatig ang iyong pagiging marangal o aba. Halimbawa, ang mga nasa larangan ng negosyo at ekonomiya sa lipunan, lalo na ang mga elitista, ay pinaniniwalaan ng ilang tao na may marangal na karakter, at dahil ang mga propesyon at kaalamang natutunan nila ay tinitingala ng tao, at kumikita sila ng malaki, mataas ang katayuan nila sa lipunan. Gayunpaman, hindi umiiral sa sambahayan ng Diyos ang gayong opinyon, at hindi sila susuriin ng sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan. Sapagkat ang mga prinsipyo at pamantayang ginagamit ng mga tao para suriin ang bagay na ito ay hindi ang katotohanan, kundi ang mga pagkaunawa ng tao, na nabibilang sa kaalaman ng tao. Ang gayong mga pananaw ay hindi mapaninindigan sa sambahayan ng Diyos. Upang magbigay ng isa pang halimbawa, ang ilang tao ay mangingisda, tindera sa kalye, o manggagawa sa lipunan; itinuturing silang mababa ang katayuan at walang sinuman ang humahanga sa kanila. Gayunpaman, sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng hinirang ng Diyos ay pantay-pantay. Sa harap ng katotohanan, lahat ay pantay-pantay, at walang pagkakaiba sa pagitan ng marangal o abang tao. Hindi ka ituturing na marangal dahil sa may mataas kang katayuan o nabibilang ka sa isang marangal na propesyon sa lipunan, at hindi ka rin ituturing na aba dahil sa gumaganap ka ng isang trabaho na may mababang katayuan sa lipunan. Samakatuwid, sa sambahayan ng Diyos at sa mga mata ng Diyos, itinuturing man na mataas o mababa ang iyong identidad, halaga, at katayuan ay walang anumang kinalaman sa iyong mga propesyonal na abilidad, teknikal na kahusayan, o sa kadalubhasaang taglay mo. Sinasabi ng ilan, “Dati akong komander, heneral, at marshal sa hukbo.” Sinasabi Ko sa kanila, “Tumabi ka.” Bakit kailangan mong tumabi? Sapagkat masyadong malubha ang iyong satanikong disposisyon, at nasusuklam Akong tingnan ka. Una, gumugol ng ilang oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, magkamit ng pag-unawa sa ilang katotohanan, at isabuhay ang kaunting wangis ng tao, at pagkatapos, kapag bumalik ka na, matatanggap ka na ng lahat. Sa sambahayan ng Diyos, hindi ka pahahalagahan dahil sa nakibahagi ka sa isang uri ng gawain sa lipunan na itinuturing na marangal ng mga tao, at hindi ka rin mamaliitin dahil sa minsan kang nagkaroon ng mababang katayuan sa lipunan. Ang mga pamantayan at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagsusuri ng mga tao ay batay lamang sa mga pamantayan ng katotohanan. Kaya, ano ang mga pamantayan ng katotohanan? May mga partikular na aspekto sa mga pamantayang ito: Una, ang mga tao ay sinusuri batay sa kalidad ng kanilang pagkatao, kung sila ay may konsensiya at katwiran, mabuting puso, at pagpapahalaga sa katarungan; pangalawa, ang mga tao ay sinusuri batay sa kung minamahal nila o hindi ang katotohanan, at kung anong landas ang tinatahak nila—kung hinahangad nila ang katotohanan, minamahal ang mga positibong bagay, at minamahal ang pagiging patas at matuwid ng Diyos, o kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung tutol sila sa katotohanan at sa mga positibong bagay, palaging may mga pansariling pagsusumikap, at iba pa. Samakatuwid, mayroon ka mang mga teknikal na kasanayan o kadalubhasaan, o kung wala kang anumang propesyonal na kasanayan o kadalubhasaan, sa sambahayan ng Diyos, tatratuhin ka pa rin nang patas. Ganito ang ginagawa sa sambahayan ng Diyos noon pa man, ipinagpapatuloy ito hanggang ngayon, at ipagpapatuloy pa rin sa hinaharap. Ang mga prinsipyo at pamantayang ito ay hinding-hindi magbabago. Kaya, ang kailangang magbago ay ang mga taong nakakaramdam na napipigilan sila dahil sa hindi nila nagagamit ang kanilang kadalubhasaan. Kung tunay kang naniniwala na matuwid ang Diyos, na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at na mayroong katarungan at katuwiran sa sambahayan ng Diyos, kung gayon, hinihiling Ko sa iyong magmadali at bitiwan ang iyong mga maling pananaw at opinyon ukol sa mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan. Huwag isipin na nagiging mas mataas ka na dahil lang sa pagkakaroon mo ng ilang kaloob o kaunting kadalubhasaan. Bagamat maaaring nagtataglay ka ng mga teknikal na kasanayan o kadalubhasaan na wala sa iba, hindi naiiba sa kanila ang iyong pagkatao at tiwaling disposisyon. Sa mga mata ng Diyos, isa ka lang ordinaryong tao, at walang espesyal sa iyo. Maaaring sabihin mo na, “Dati akong opisyal na may mataas na ranggo,” pwes, isa ka pa ring ordinaryong tao. Maaaring sabihin mo na, “Dati akong nakagagawa ng magagandang bagay,” pwes, isa ka pa ring ordinaryong tao. Maaaring sabihin mo na, “Dati akong bayani,” ngunit anong uri ka man ng bayani o kilalang tao noon, wala itong silbi. Sa perspektiba ng Diyos, isa ka pa ring ordinaryong tao. Ito ay isang aspekto ng katotohanan at ng mga prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa mga teknikal na kasanayan at ilang uri ng kadalubhasaan. Ang isa pang aspekto—kung paano pangasiwaan ang mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaang ito—ay isang partikular na landas ng pagsasagawa na dapat maunawaan ng mga tao. Una sa lahat, kailangang maging malinaw sa iyong kaisipan at kamalayan na anuman ang mga propesyonal na kasanayan o kadalubhasaang taglay mo, hindi ka pumaparito sa sambahayan ng Diyos para gumanap ng isang trabaho, para ipakita ang iyong halaga, para kumita ng suweldo, o para maghanapbuhay. Naririto ka upang gampanan ang iyong tungkulin. Ang tanging identidad mo sa sambahayan ng Diyos ay bilang isang kapatid, sa madaling salita, isang nilikha sa mga mata ng Diyos. Wala kang pangalawang identidad. Ang isang nilikha sa mga mata ng Diyos ay hindi isang hayop, gulay, o diyablo. Ito ay isang tao, at bilang isang tao, dapat mong gampanan ang iyong tungkulin. Ang paggampan sa iyong tungkulin bilang isang tao ay ang pinakapangunahing layon na dapat mayroon ka sa pagparito sa sambahayan ng Diyos, at ang pinakapangunahing pananaw na dapat mong taglayin. Dapat mong sabihin na, “Ako ay isang tao. Isa akong taong may normal na pagkatao, konsensiya, at katwiran. Dapat kong gampanan ang tungkulin ko.” Ito ang kaisipan at pananaw na dapat munang taglayin ng mga tao, sa usapin ng teorya. Sunod ay kung paano mo dapat gampanan ang iyong tungkulin: Dapat ka bang makinig sa iyong sarili o sa Diyos? (Makinig sa Diyos.) Tama iyan, at bakit dapat kang makinig sa Diyos? Sa prinsipyo at sa teorya, alam ng mga tao na dapat silang makinig sa Diyos, na ang Diyos ang katotohanan, at na ang Diyos ang may huling kapasyahan. Ito ang pananaw na dapat taglay ng isang tao sa usapin ng teorya. Ang totoo, ginagampanan mo ang tungkuling ito hindi para sa iyong sarili, hindi para sa iyong pamilya, hindi para sa iyong pang-araw-araw na pag-iral, at hindi rin para sa pansarili mong propesyon o mga pagsusumikap, kundi, para ito sa gawain ng Diyos, para sa pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Wala itong kinalaman sa mga personal mong usapin. Kailangan mong maunawaan at taglayin ang pananaw na ito. Pagkatapos mong taglayin ang pananaw na ito, sunod ay dapat mong maunawaan na sapagkat ang paggampan sa iyong tungkulin ay hindi para sa kapakanan ng iyong sarili, kundi para sa kapakanan ng gawain ng Diyos, kailangan mong magdasal at maghanap sa Diyos kung paano mo dapat gampanan ang tungkuling ito, at kung ano ang mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Gawin mo ang iyong tungkulin sa anumang paraang sinasabi sa iyo ng Diyos, ginagawa ang anumang ipagawa Niya sa iyo, nang walang anumang sinasabi tungkol dito, nang walang pag-aatubili o pagtanggi. Ito ay tiyak. Dahil ito ang sambahayan ng Diyos, tama at nararapat lamang na gampanan ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang gampanan dito. Ngunit hindi ito ginagawa ng mga tao para sa kanilang sarili, para sa kanilang pang-araw-araw na pag-iral, buhay, pamilya, o propesyon. Kung gayon, para saan nila ito ginagawa? Para sa gawain ng Diyos, at para sa pamamahala ng Diyos. Anuman ang partikular na propesyon o uri ng gawain ang sangkot dito, ito man ay kasingliit ng isang bantas o ng estilo ng pag-format, o kasinghalaga ng isang partikular na bagay sa trabaho, lahat ito ay nasa saklaw ng gawain ng Diyos. Samakatuwid, kung mayroon kang katwiran, dapat mo munang tanungin ang iyong sarili, “Paano ko dapat isakatuparan ang gawaing ito? Ano ang mga hinihingi ng Diyos? Anong mga prinsipyo ang isinusulong ng sambahayan ng Diyos?” Pagkatapos, isa-isang ilista ang mga nauugnay na prinsipyo at kumilos nang mahigpit na alinsunod sa bawat tuntunin at prinsipyo. Hangga’t naaayon ito sa mga prinsipyo at hindi lumalampas sa saklaw ng mga ito, lahat ng gagawin mo ay magiging angkop, at ituturing at ikaklasipika ito ng Diyos bilang paggampan mo sa iyong tungkulin. Hindi ba’t isa itong bagay na dapat maunawaan ng mga tao? (Oo.) Kung nauunawaan mo ito, hindi ka dapat laging nag-iisip-isip kung paano mo gustong gawin ang mga bagay-bagay o kung ano ang gusto mong gawin. Ang pag-iisip at pagkilos sa ganitong paraan ay wala sa katwiran. Dapat bang gawin ang mga bagay na wala sa katwiran? Hindi, hindi dapat gawin ang mga ito. Kung nais mong gawin ang mga ito, ano ang dapat mong gawin tungkol dito? (Maghimagsik laban sa aking sarili.) Dapat kang maghimagsik laban sa iyong sarili at bitiwan mo ang iyong sarili, at unahin ang iyong tungkulin at ang mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi ka mapalagay, at pinagbibigyan mo ang iyong mga hilig at libangan sa iyong libreng oras, kung gayon, hindi manghihimasok ang sambahayan ng Diyos dito. Ito ay isang aspekto ng kung ano ang dapat mong maunawaan—kung ano ang iyong tungkulin at kung paano mo ito dapat gampanan. Ang isa pang aspekto ay nauukol sa isyu ng propesyonal na kadalubhasaan at kasanayan ng mga tao. Paano mo dapat harapin ang usapin ng mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan? Kung kinakailangan ng sambahayan ng Diyos na gamitin mo ang iyong propesyonal na kadalubhasaan at mga kasanayan kung saan ikaw ay mahusay o na kabisado mo na, ano dapat ang magiging saloobin mo? Dapat mong gamitin ang mga ito nang walang pag-aalinlangan, tulutan ang mga ito na gawin ang silbi ng mga ito at ipakita ang halaga ng mga ito sa iyong tungkulin hangga’t maaari. Hindi mo dapat hayaang masayang ang mga ito; dahil pwede mong gamitin ang mga ito, naiintindihan mo ang mga ito, at naging dalubhasa ka na sa mga ito, dapat mong ipagamit ang mga ito. Ano ang prinsipyo ng paggamit sa mga ito? Iyon ay, anuman ang kailangan ng sambahayan ng Diyos, gaano man karami ang kailangan nito, at hanggang saan man ito nangangailangan, ginagamit mo ang mga kasanayang ito sa paraang may pagtitimpi at pag-iingat. Gamitin ang iyong mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan sa iyong mga tungkulin, tulutan ang mga ito na gampanan ang silbi ng mga ito, at bigyang-daan kang makapagkamit ng mas magagandang resulta sa iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, hindi ba’t magkakaroon ng dahilan ang pag-aaral mo sa iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan? Hindi ba’t magkakaroon ng halaga ang mga ito? Hindi ba’t makapagbibigay ka ng kontribusyon? (Oo.) Handa ka bang mag-ambag sa ganitong paraan? (Oo.) Magandang bagay iyan. Tungkol naman sa mga kasanayan at kadalubhasaan na walang silbi sa sambahayan ng Diyos, sadyang hindi hinihingi o hinihikayat ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, at ang mga nagtataglay ng mga gayong kasanayan o kadalubhasaan ay hindi dapat basta-bastang gamitin ang mga ito. Paano mo dapat tanggapin ang bagay na ito? (Dapat kong talikdan ang mga kasanayang iyon.) Mismo, ang pinakasimpleng diskarte ay ang talikdan angsa mga ito, ang kumilos na parang hindi mo kailanman natutunan ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, kung kusang-loob mong bibitiwan ang mga ito, lilitaw pa rin ba ang mga ito at guguluhin ka kapag nasa proseso ka ng paggampan sa iyong tungkulin? Hindi na. Hindi ba’t ikaw na ang magpapasya rito? Ang mga ito ay kaunting kaalaman lamang. Gaano kalaking problema, gaano kalubhang epekto ang maidudulot ng mga ito? Ituring mo na lang ang mga ito na parang hindi mo pa kailanman natutunan ang mga ito, na parang hindi mo taglay ang mga ito, at pagkatapos, hindi ba’t matatapos na ang usaping ito? Dapat mong pangasiwaan nang tama ang bagay na ito. Kung isa itong bagay na hindi hinihingi ng sambahayan ng Diyos na gawin mo, huwag patuloy na magpumilit sa pagpapakitang-gilas sa iyong mga kasanayan para magpasikat, para tugunan ang sarili mong mga interes, o ipakita sa lahat na may ilan kang nalalaman. Mali iyon. Hindi ito ang pagganap sa iyong tungkulin at hindi ito gugunitain. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, bukod sa hindi ito gugunitain, kokondenahin din ito, dahil hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin, pansariling pagsusumikap ang inaasikaso mo, at napakaseryoso niyon! Bakit ito seryoso? Dahil, sa kalikasan nito, isa itong paggambala at panggugulo! Paulit-ulit nang sinabi sa iyo ng sambahayan ng Diyos na hindi mo dapat gawin ang mga bagay sa gayong paraan, o gawin ang mga bagay na iyon, o gamitin ang gayong uri ng pamamaraan, pero hindi ka nakikinig. Patuloy mong ginagawa ang mga ito, patuloy kang tumatangging bumitiw, at nagpupumilit ka. Hindi ba’t panggugulo iyon? Hindi ba’t sinasadya iyon? Alam na alam mong hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, ngunit sinasadya mong patuloy na gawin ang mga ito. Hindi ba’t nasisiyahan ka lang na magpakitang-gilas? Kung ang mga ginagawa mong video o programa ay pinapahiya ang Diyos, kung gayon, magiging napakalubha ng mga kahihinatnan, at magiging malaki ang paglabag mo. Nauunawaan mo ito, hindi ba? (Oo.) Samakatuwid, para sa mga bagay na personal mong tinatamasa at sa mga propesyonal na kasanayang taglay mo—kung gusto mo ang mga ito, kung interesado ka sa mga ito, kung pinahahalagahan mo ang mga ito, gawin mo ang mga ito nang pribado sa iyong bahay. Ayos lang iyon. Ngunit huwag mong hayagang ipakita ang mga ito. Kung nais mong hayagang ipakita ang isang bagay, dapat mong magawa ito nang may mataas na kalidad, at hindi ipahiya ang Diyos o siraan ang Kanyang sambahayan. Hindi lang ito tungkol sa kung nagtataglay ka ng kabatiran o kung gaano ka kahusay sa ilang propesyonal na kasanayan. Hindi ito ganoon kasimple. Mayroong batayan ang mga prinsipyo at pamantayan na hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa bawat gawain ninyo, gayundin sa direksyon at mga layuning gumagabay sa inyong gawain sa bawat yugto. Lahat ito ay upang mapangalagaan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi para gambalain, guluhin, siraan, o wasakin ang gawain at mga interes ng sambahayan Niya. Kung hindi makakasabay ang inyong personal na kakayahan, kabatiran, karanasan, at panlasa sa mga ito, o hindi maaabot ang pamantayan ng mga ito, kung gayon, makipagbahaginan ka nang pribado, at humingi ka ng patnubay at tulong sa mga nakauunawa at nagagawang makipagsabayan sa mga ito. Huwag lumaban, huwag palaging magkimkim ng mga negatibong emosyon dahil lamang hindi kayo pinapayagang gumawa ng ilang bagay. Ang ilan ninyong diskarte ay sadyang hindi sapat. Bakit Ko sinasabing hindi kayo sapat? Dahil masyado nang baluktot ang inyong mga kaisipan at pananaw. Bukod sa hindi sapat at hindi kasiya-siya ang inyong panlasa, kabatiran, paghusga, at karanasan, nagkikimkim din kayo ng maraming lumang kuru-kurong panrelihiyon. Masyadong marami at malalim na nakaugat ang inyong mga kuru-kurong panrelihiyon, at maging ang ilang kabataan na nasa edad bente ay mayroon nang marami-raming lumang kaisipan at kuru-kuro. Bagamat kayo ay mga tao sa modernong panahon, na nag-aaral ng mga modernong teknikal na kasanayan, at nagtataglay ng partikular na propesyonal na kaalaman, dahil hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, ang inyong mga perspektiba, pananaw, at paninindigan hinggil sa iba’t ibang bagay at ang mga kaisipang taglay ninyo ay lahat luma na. Kaya, gaano man karaming propesyonal na kasanayan ang natututunan ninyo, nananatiling luma ang inyong mga kaisipan. Kailangan mong maunawaan ang problemang ito, at ang totoong sitwasyong ito. Kaya, dapat mong bitiwan iyong mga bagay na hinihingi sa inyo ng sambahayan ng Diyos na alisin, ipagbawal, o na hindi kayo pinahihintulutang gamitin. Kailangan mong matutong sumunod. Kung hindi mo nauunawaan ang mga dahilan sa likod nito, kahit papaano, dapat kang magkaroon ng sapat na dahilan upang matutong sumunod, at kumilos muna batay sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Huwag lumaban, matuto munang magpasakop.

Matapos magbahaginan tungkol sa tamang saloobin na dapat mayroon ang mga tao sa mga propesyonal na kasanayang taglay nila, ano pa ang dapat mong maunawaan? Sa proseso ng paggampan sa iyong tungkulin, kung mabigo ka dahil sa hindi mabuting paggamit ng ilang teknikal na kasanayan o kadalubhasaan, na nagreresulta sa mga pagkagambala at kawalan sa gawain ng iglesia, at kung maharap ka sa pagpupungos, ano ang dapat mong gawin? Madali lamang ito. Agad na magbago at magsisi, at bibigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon na itama ang iyong mga pagkakamali. Dahil walang taong perpekto, lahat ay nagkakamali at may mga pagkakataong nalilito sila. Ang mga pagkakamali ay hindi nakakabahala, ang nakakabahala ay kung patuloy mong gagawin ang mga parehong pagkakamali nang paulit-ulit, tuloy-tuloy na ginagawa ang mga parehong pagkakamali at hindi nagbabago hanggang sa umabot ka sa puntong wala ka nang magagawa. Kung napagtatanto mo ang mga pagkakamali mo, itama mo ang mga ito. Hindi naman iyon napakahirap, hindi ba? Lahat ng tao ay nagkakamali, kaya walang sinuman ang dapat mangutya ng iba. Kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali pagkatapos magawa ang mga ito, kung matututo ka ng mga aral, at makapagbabago, kung gayon, makakausad ka. Higit pa rito, kung ang problema ay dahil sa kawalan ng kahusayan sa gawain mo, maaari kang magpatuloy sa pag-aaral at magpakadalubhasa sa mga kinakailangang kasanayan, at malulutas ang problema. Kung masisiguro mo na hindi mo mauulit ang pagkakamaling iyon sa hinaharap, hindi ba’t iyon na ang wakas nito? Napakasimpleng bagay nito! Hindi mo na kailangang makaramdam na napipigilan ka dahil lang sa palagi kang nagkakamali dulot ng maling paggamit ng iyong mga propesyonal na kasanayan, at nahaharap ka sa pagpupungos. Bakit ka pa nakakaramdam na napipigilan? Bakit napakarupok mo? Anuman ang sitwasyon o kapaligiran sa trabaho, nagkakamali ang mga tao paminsan-minsan, at may mga aspekto kung saan nagkukulang ang kanilang mga kakayahan, kabatiran, at perspektiba. Normal lang ito, at kailangan mong matutunan kung paano ito harapin nang tama. Ano’t anuman, kahit ano pa ang pagsasagawa mo, dapat mong harapin ito nang tama at kusa. Huwag manlumo o makaramdam ng pagkanegatibo o pagpipigil kapag nakaranas ng kaunting paghihirap, at huwag masadlak sa mga negatibong emosyon. Hindi kailangan ang lahat ng iyon, huwag nang palakihin ang usaping ito. Ang dapat mong gawin ay agad na pagnilay-nilayan ang iyong sarili, at tukuyin kung may isyu sa iyong mga propesyonal na kasanayan o problema sa iyong mga layunin. Suriin kung mayroong anumang karumihan sa iyong mga kilos o kung ang ilang kuru-kuro ang may kasalanan. Pagnilayan ang lahat ng aspekto. Kung ito ay isang problema ng kawalan ng kahusayan, maaari kang magpatuloy sa pag-aaral, maghanap ng taong tutulong sa iyo na tumuklas ng mga solusyon, o kumonsulta sa mga tao na nasa parehong larangan. Kung may kalakip na ilang maling layunin, na kinasasangkutan ng isang problema na maaaring malutas gamit ang katotohanan, maaari kang lumapit sa mga lider ng iglesia o sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan para ikonsulta ito at makipagbahaginan dito. Makipag-usap sa kanila tungkol sa kalagayan mo at hayaan silang tulungan kang lutasin ito. Kung isa itong isyu na may kinalaman ang mga kuru-kuro, sa sandaling masuri at mapagtanto mo ang mga ito, maaari mong himayin at unawain ang mga ito, pagkatapos ay iwasan ang mga ito at maghimagsik laban sa mga ito. Hindi ba’t iyon lang naman iyon? Ang bagong araw ay may dalang bagong pag-asa, sisikat muli ang araw bukas, at kailangan mong magpatuloy sa buhay. Dahil nabubuhay ka, dahil isa kang tao, dapat patuloy mong gampanan ang iyong tungkulin. Hangga’t buhay ka at may mga kaisipan, dapat mong pagsikapang gampanan ang iyong tungkulin at tapusin ito. Ito ay isang layon na hindi dapat magbago sa buong buhay ng isang tao. Kailan ka man makaranas ng paghihirap, anuman ang mga paghihirap na mararanasan mo, anuman ang kakaharapin mo, hindi ka dapat makaramdam na napipigilan ka. Kung napipigilan ka, hindi ka makakakilos at masisiraan ka ng loob. Anong uri ng mga tao ang laging nakakaramdam na napipigilan sila? Ang mga mahina at hangal ay madalas na napipigilan. Ngunit hindi ka walang puso o walang isip, kaya saan ka napipigilan? Hindi lang talaga normal na nagagamit ang iyong mga teknikal na kasanayan o kadalubhasaan sa kasalukuyan. Ano ang ibig sabihin ng magamit nang normal? Nangangahulugan ito ng paggawa ng kung ano ang hinihingi sa iyo ng sambahayan ng Diyos at paggamit ng iyong mga natutunang teknikal na kasanayan upang matugunan ang mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t sapat na iyon? Hindi ba’t iyon ang tinatawag nating normal na paggamit? Hindi ka pinagbabawalan ng sambahayan ng Diyos na gamitin ang iyong mga abilidad. Nais lamang nitong gamitin mo ang mga ito nang may layon, nang may pagtitimpi, mga pamantayan, at mga prinsipyo, sa halip na gamitin ang mga ito nang walang ingat. Bukod doon, hindi nakikialam ang sambahayan ng Diyos sa mga bagay na walang kinalaman sa paggampan sa iyong mga tungkulin o sa iyong personal na buhay. Tanging sa mga usapin ng paggampan sa iyong mga tungkulin mayroong mahigpit na mga panuntunan at mga hinihinging pamantayan ang sambahayan ng Diyos. Kaya, pagdating sa pangangasiwa sa iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, hindi nakagapos ang iyong mga kamay at paa, at hindi kinokontrol ang mga iniisip mo. Malaya kang mag-isip, ang iyong mga kamay at paa ay malaya, at ang iyong puso ay malaya rin. Kaya lang, kapag umuusbong sa iyo ang mga negatibong emosyon, pinipili mong umatras, manlumo, tumanggi, at lumaban. Ngunit kung pipiliin mong harapin ang mga bagay-bagay nang positibo, makinig nang mabuti, at sundin ang mga prinsipyo, panuntunan, at mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, hindi ka mawawalan ng landas na tatahakin o ng mga bagay na dapat gawin. Hindi ka isang inutil na tao, isang mahina, o isang hangal. Binigyan ka ng Diyos ng malayang kalooban, normal na pag-iisip, at normal na pagkatao. Kaya, mayroon kang tungkulin na dapat gampanan, at dapat mong gampanan ang sarili mong tungkulin. Higit pa rito, mayroon kang mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, kaya, sa sambahayan ng Diyos, isa kang kapaki-pakinabang na tao. Kung magagamit mo ang iyong kadalubhasaan gaya ng nararapat sa ilang aspekto ng gawain sa sambahayan ng Diyos na may kinalaman sa mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, mahahanap mo ang iyong posisyon at magagampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Hangga’t naninindigan ka sa iyong posisyon, tinutupad ang iyong tungkulin, at ginagawa ang iyong trabaho nang maayos, hindi ka isang walang kwentang tao kundi isang taong may silbi. Kung kaya mong gampanan ang iyong tungkulin, magkaroon ng mga iniisip, at gumawa nang mahusay, anumang mga paghihirap ang kinakaharap mo, hindi ka dapat makaramdam na napipigilan ka, hindi ka dapat umatras, ni hindi ka dapat tumanggi o umiwas. Ngayon, sa sandaling ito, ang dapat mong gawin ay huwag magpakalunod sa iyong sariling mga negatibong emosyon upang magawa mong makaahon. Hindi ka dapat magreklamo tulad ng isang naghihinakit na babae tungkol sa pagiging hindi patas ng sambahayan ng Diyos, tungkol sa pangmamaliit sa iyo ng mga kapatid, o tungkol sa hindi pagpapahalaga sa iyo o pagbibigay sa iyo ng mga oportunidad ng sambahayan ng Diyos. Sa katunayan, binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng mga oportunidad at ipinagkatiwala sa iyo ang tungkuling dapat mong gampanan, ngunit hindi mo ito pinangasiwaan nang maayos. Sinunod mo pa rin ang mga sarili mong mga pasya at mga hinihingi, hindi ka nakinig nang mabuti sa mga salita ng Diyos o nagbigay-pansin sa mga prinsipyong sinabi sa iyo ng sambahayan ng Diyos tungkol sa gawain mo. Masyadong matigas ang ulo mo. Kaya, kung nakakulong ka man sa negatibong emosyon na pagpipigil, hindi ito kasalanan ng sinuman. Hindi sa pinabayaan ka ng sambahayan ng Diyos, lalong hindi dahil sa hindi ka tinatanggap dito. Ito ay dahil hindi mo pa ganap na nagamit ang iyong mga abilidad sa paggampan sa iyong tungkulin. Hindi mo napangasiwaan o nagamit nang tama ang iyong teknikal na propesyon at kadalubhasaan. Hindi mo hinarap ang bagay na ito nang makatwiran, kundi sinalungat mo ito nang pabigla-bigla at nang may mga negatibong emosyon. Ito ang pagkakamali mo. Kung bibitiwan mo ang iyong mga negatibong emosyon at lalabas ka sa kalagayang ito ng pagpipigil, mapagtatanto mo na maraming gampanin ang magagawa mo at maraming gampanin ang kinakailangan mong gawin. Kung makalalabas ka sa mga negatibong emosyong ito at makahaharap sa iyong tungkulin nang may positibong saloobin, makikita mo na ang daan sa unahan ay maliwanag, hindi madilim. Walang humaharang sa iyong paningin, at walang humahadlang sa iyong mga yapak. Sadyang ayaw mo lang sumulong. Ang mga kagustuhan, pagnanais, at personal mong plano ang nakahadlang sa iyong mga hakbang. Isantabi mo ang mga bagay na ito, bitiwan ang mga ito, matutong makibagay sa kapaligiran ng gawain sa sambahayan ng Diyos, maging bukas sa tulong at suportang ibinibigay sa iyo ng mga kapatid mo, at sa pamamaraan ng paggampan sa iyong tungkulin at paggawa sa sambahayan ng Diyos. Paunti-unting bitiwan ang iyong mga kagustuhan, pagnanais, at hindi makatotohanan at hindi praktikal na mga ideya. Unti-unti, natural kang makalalabas sa mga negatibong emosyong ito na pagpipigil. Ang isa pang bagay na dapat mong maunawaan ay gaano man kahusay ang iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, hindi ito kumakatawan sa buhay mo. Hindi ito kumakatawan sa iyong pagkahinog sa buhay o na ikaw ay nakatanggap na ng kaligtasan. Kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa normal at masunuring paraan ayon sa mga katotohanang prinsipyo, gamit ang iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, kung gayon, maayos kang gumagawa rito at tunay kang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, palagi mong ipinangangalandakan ang paggampan sa iyong tungkulin, sinasamantala ang pagkakataon sa paggampan ng iyong tungkulin, sinasamantala ang mga oportunidad na ibinibigay ng sambahayan ng Diyos, at sinusunod ang mga kagustuhan, ambisyon at hangarin mo upang lubos na magamit ang iyong sariling kadalubhasaan, ginagamit ito para hangarin ang sarili mong propesyon at mga pansariling pagsusumikap, at bilang resulta, sa huli ay wala ka nang magawa at pakiramdam mo ay napipigilan ka. Sino ang nagsanhi ng pagpipigil na ito? Ikaw mismo ang nagsanhi nito. Kung patuloy mong hahangarin ang mga pansarili mong pagsusumikap habang ginagampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi iyon gagana rito, dahil hindi ito ang tamang lugar para doon. Mula sa simula hanggang sa wakas, ang tinatalakay sa sambahayan ng Diyos ay ang katotohanan, ito ang mga hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga salita. Bukod sa mga ito, wala nang dapat pag-usapan pa. Samakatuwid, anuman ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao sa anumang aspekto ng kanilang gawain o propesyon, o sa anumang espesyal na pagsasaayos sa gawain, ang mga ito ay hindi nakatuon sa sinumang partikular na indibidwal, at ang mga ito ay hindi para supilin ang sinuman o pawiin ang sigasig o pagpapahalaga sa sarili ng sinuman. Ang mga ito ay para lamang sa kapakanan ng gawain ng Diyos, upang makapagpatotoo sa Diyos, maipalaganap ang Kanyang salita, at magdala ng mas maraming tao sa Kanyang presensya. Syempre, ang mga ito ay para din sa bawat isa sa inyo na naririto para tumahak sa lalong madaling panahon sa landas ng paghahangad ng katotohanan at para pumasok sa realidad ng katotohanan. Nauunawaan ba ninyo? Kung ang mga halimbawang binanggit ngayon ay tumutukoy sa ilang indibiduwal, huwag masiraan ng loob. Kung sumasang-ayon ka sa sinasabi Ko, tanggapin mo ito. Kung hindi ka sumasang-ayon at napipigilan ka pa rin, kung gayon, magpatuloy ka sa iyong pagpipigil. Tingnan natin kung hanggang saan maaaring makaramdam ng pagpipigil ang mga gayong tao, at kung hanggang kailan sila makatatagal sa sambahayan ng Diyos habang dala-dala ang mga gayong negatibong emosyon, nang hindi naghahangad sa katotohanan o nagbabago.

Kung hindi nila bibitiwan ang pagpipigil, ang mga namumuhay sa negatibong emosyong ito ay mahaharap sa isa pang desbentaha: Sa sandaling mabigyan sila ng oportunidad, mabilis silang kumikilos at gumagawa, sila na ang nangangasiwa at binabalewala nila ang lahat ng hinihingi, panuntunan, at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, kumikilos nang walang ingat at ganap na nagpapakasasa sa sarili nilang mga hangarin. Sa sandaling kumilos sila, magiging napakalubha ng mga kahihinatnan. Sa mas maliit na antas, maaaring makapagdulot sila ng mga kawalan sa pananalapi sa sambahayan ng Diyos, o sa isang mas malaking antas, maaari nilang magambala ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan ng mga lider at superbisor na iyon ang kanilang responsabilidad at mabibigo silang lutasin ang mga problema, maaapektuhan din nito ang gawain ng pagpapalawig ng ebanghelyo ng sambahayan ng Diyos, na kinapapalooban ng paglaban sa Diyos. Kung nangyayari ang mga ganitong insidente at kahihinatnan sa mga taong ito, darating na ang kanilang katapusan. Sa halip na hulaan ang kanilang kinabukasan, mas mabuting maaga palang ay bitiwan na nila ang pagpipigil at baguhin ang mga saloobin at opinyon na patuloy nilang pinanghahawakan sa masyadong pagpapahalaga at pagbibigay ng importansya sa mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan. Mahalaga para sa kanila na baligtarin ang kanilang mga pananaw at huwag masyadong panghawakan ang mga ito. Ang dahilan ng hindi masyadong paghawak sa mga ito ay hindi dahil sa hindi sila gaanong mahalaga sa sambahayan ng Diyos sa simula o dahil sa Aking paghatol o negatibong opinyon sa mga bagay na ito. Ito ay dahil ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ay isang uri ng kasangkapan. Hindi nito kinakatawan ang katotohanan o buhay. Kapag lumipas na ang langit at ang lupa, maglalaho rin ang anumang teknikal na kasanayan at kadalubhasaan, samantalang ang mga positibong bagay at katotohanan na nakuha ng mga tao ay hindi lamang hindi maglalaho, hinding-hindi rin mawawala ang mga ito. Gaano man kalalim, kahusay, o kakatangi-tangi ang mga teknikal na kasanayan o ang espesyal na kadalubhasaan na taglay mo, hindi nito mababago ang sangkatauhan o ang mundo, hindi rin nito mababago ang kahit isang maliit na kaisipan o pananaw na mayroon ang mga tao. Ang mga bagay na ito ay hindi man lang makapagbabago sa isang maliit na kaisipan o pananaw, lalo na sa tiwaling disposisyon ng mga tao, na lalong hindi nila kayang baguhin. Hindi mababago ng mga ito ang sangkatauhan, ni mababago ang mundo. Hindi matutukoy ng mga ito ang kasalukuyan ng sangkatauhan, ang paparating nilang mga araw, o ang kanilang hinaharap, at tiyak na hindi matutukoy ng mga ito ang kapalaran ng sangkatauhan. Iyon talaga ang totoo. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, maghintay ka lang at tingnan mo ang mangyayari. Kung hindi ka naniniwala sa Aking mga salita, at patuloy mong pinahahalagahan ang mga bagay tulad ng kaalaman, mga teknikal na kasanayan, at kadalubhasaan, tingnan mo kung sino ang maaantala kapag pinahalagahan mo ang mga ito hanggang sa huli at tingnan mo kung ano ang makakamit mo mula sa mga ito. Ang ilang tao ay may mataas na kasanayan at kaalaman sa teknolohiya ng computer, nahihigitan nila ang karaniwang tao at sila ang mahusay sa larangang ito. Sila ay mga technician na marami nang karanasan, umaasta bilang nakatataas saanman sila pumunta at ipinapahayag nila na, “Napakahusay ko sa computer, isa akong computer engineer!” Kung patuloy kang aasta nang ganito, tingnan natin kung gaano talaga kalayo ang mararating mo at kung saan ka hahantong. Dapat mong iwaksi ang titulong ito at muling tukuyin ang iyong sarili. Isa kang ordinaryong tao. Dapat mong maunawaan na ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ay nagmumula sa mga tao. Limitado ang mga ito sa kakayahan ng pag-iisip at mga kaisipan ng mga tao, pinupuno lamang ang mga neuron sa utak ng mga tao, nag-iiwan ng mga impresyon at bakas sa kanilang mga alaala. Gayunpaman, walang positibong epekto ang mga ito sa disposisyon sa buhay ng isang tao, o sa kanyang landas sa hinaharap. Hindi nagbibigay ng mga totoong pakinabang ang mga ito. Kung patuloy kang kakapit sa mga natutunan mong teknikal na kasanayan o kadalubhasaan, at ayaw mong bitiwan ang mga ito, palagi mong iniisip na mahalaga at kaibig-ibig ang mga ito, naniniwala na sa pagkakaroon ng mga ito ay nakatataas ka, na mas magaling ka kaysa sa iba, na karapat-dapat ka sa karangalan, kung gayon, sinasabi Kong hangal ka. Ang mga bagay na iyon ay lubos na walang halaga! Umaasa Ako na masusubukan mong bitiwan ang mga ito, palayain ang iyong sarili mula sa titulong technician o propesyonal, lumabas sa limitasyon ng teknikal at propesyonal na mga larangan, at matutong sabihin at gawin ang lahat, at tratuhin ang lahat ng tao at lahat ng bagay sa makatwirang paraan. Huwag magpalayaw sa mga hindi praktikal at hindi makatotohanang ideya. Sa halip, dapat kang manatiling makatotohanan, makatwiran, at praktikal. Dapat kang matutong magsalita nang matapat, taos-puso, at makatotohanan, na naghihikayat ng mga tamang kaisipan at pananaw, perspektiba, at paninindigan sa mga tao at bagay-bagay. Ito ay pundamental. Ibig sabihin ay binitiwan at inalis mo ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan na pinanghawakan mo sa puso mo nang maraming taon at na naninirahan sa puso at isipan mo, at na maaari mong matutunan ang mga pundamental na bagay tulad ng kung paano umasal, paano magsalita, paano tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano tuparin ang iyong tungkulin ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa kanilang pag-iral, at sa kanilang kinabukasan. Ang mga bagay na ito na may kaugnayan sa mga landas na tinatahak ng mga tao at sa kanilang kinabukasan ay makapagbabago sa iyong kapalaran, makapagtutukoy sa iyong kapalaran, at makaliligtas sa iyo. Sa kabilang banda, hindi mababago ng mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ang iyong kapalaran o kinabukasan. Hindi matutukoy ng mga ito ang anumang bagay. Kung gagamitin mo ang mga kasanayan at kadalubhasaang ito para magtrabaho sa lipunan, maaari lamang itong makatulong sa iyo na maghanapbuhay o na mapabuti ang buhay mo kahit papaano. Ngunit hayaan mong sabihin Ko sa iyo, kapag pumasok ka sa sambahayan ng Diyos, hindi nito matutukoy ang anumang bagay. Sa halip, maaari pang maging balakid ang mga ito sa pagtupad ng iyong tungkulin at hadlangan ka sa pagiging ordinaryo at normal na tao. Samakatuwid, anuman ang mangyari, kailangan mo munang magkaroon ng tamang pagkaunawa at perspektiba tungkol dito. Huwag mong isipin na isa kang espesyal na talento o paniwalaan na sa sambahayan ng Diyos, ikaw ay pambihira, nakatataas sa iba, o mas espesyal kaysa sa kanila. Hindi ka espesyal sa anumang paraan, partikular na sa paningin Ko. Bukod sa pagkakaroon ng ilang espesyal na abilidad o kaalaman at mga kasanayan na wala ang iba, hindi ka naiiba sa sinuman. Ang iyong mga salita, kilos at asal, at ang iyong mga kaisipan at pananaw ay puno ng mga lason ni Satanas, puspos ng mga baluktot at negatibong kaisipan at pananaw. Maraming bagay ang kailangan mong baguhin, maraming bagay ang kailangan mong ibahin. Kung nananatili kang nakakulong sa isang kalagayan ng pagkakampante, pagkakontento sa sarili, at paghanga sa sarili, kung gayon, masyado kang hangal at bilib sa iyong sarili. Kahit na minsan kang nakagawa ng ilang kontribusyon sa sambahayan ng Diyos dahil sa iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, hindi sulit na patuloy mong pahalagahan ang mga bagay na ito. Walang propesyonal na kasanayan o kadalubhasaan ang karapat-dapat paglaanan ng iyong buong buhay, maging ang ilagay sa panganib ang iyong kinabukasan at magandang destinasyon para pahalagahan, itaguyod, protektahan, at panghawakan ang mga ito, umaabot sa puntong mabubuhay at mamamatay para sa mga ito. Siyempre, hindi mo rin dapat hayaang maapektuhan ng pag-iral ng mga ito ang iyong mga kaisipan at emosyon sa anumang aspekto, at lalong hindi ka dapat makaramdam na napipigilan ka dahil sa mga ito, dahil nawala ang mga ito sa iyo o walang nakakapansin sa mga ito. Iyon ay magiging isang hangal at hindi makatwirang pagharap dito. Sa direktang pagkasabi, parang mga piraso ng damit ang mga ito, na maaaring itapon o pulutin at isuot anumang oras. Walang kapansin-pansin sa mga ito. Isusuot mo ang mga ito kapag kailangan mo, at maaari mong hubarin at itapon ang mga ito kapag hindi mo na kailangan. Dapat ay wala kang pakialam sa mga ito; iyon ang saloobin at pananaw na dapat mayroon ka ukol sa anumang piraso ng kaalaman, kasanayan, o kadalubhasaan. Hindi mo dapat pahalagahan o ituring na sarili mong buhay ang mga ito, na nakakahanap ka ng kagalakan o kaligayahan dahil sa mga ito, o nabubuhay at namamatay para sa mga ito. Hindi na kailangan iyon. Dapat mong tratuhin ang mga ito nang makatwiran. Siyempre, kung makukulong ka sa mga negatibong emosyon ng pagpipigil dahil sa mga ito, na nakaaapekto sa paggampan mo sa mga tungkulin at sa pinakamahalagang bagay sa buhay mo na ang hangarin ang katotohanan, iyon ang mas lalong hindi katanggap-tanggap. Dahil ang mga ito ay isang kasangkapan lamang na maaari mong gamitin o itapon anumang oras, hindi dapat pukawin ng mga ito ang anumang pagkagiliw o damdamin sa loob mo. Kaya, paano man tratuhin ng sambahayan ng Diyos ang mga propesyonal na kasanayan o kadalubhasaang natutunan mo, kung sumasang-ayon man ang sambahayan ng Diyos sa mga ito o hinihiling sa iyo na bitiwan ang mga ito, o kinokondena at pinupuna pa nga ang mga ito, hindi ka dapat magkaroon ng sarili mong mga opinyon. Dapat mong tanggapin ang usapin mula sa Diyos, harapin at tratuhin ito nang makatwiran, nang may mga tamang posisyon at perspektiba. Kung ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga kasanayan mo, ngunit may mga kakulangan ang mga kasanayan mong ito, maaari kang matuto at pagbutihin mo ang mga ito. Kung hindi ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, dapat mong bitiwan ang mga ito nang walang pag-aalinlangan, nang walang anumang alalahanin at anumang paghihirap—ganoon lang kasimple. Ang katunayan na walang silbi ang iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan sa sambahayan ng Diyos ay hindi personal na nakadirekta sa iyo, hindi rin nito inaalis ang iyong karapatang gampanan ang iyong tungkulin. Kung mabigo kang gampanan ang iyong tungkulin, ito ay dahil sa sarili mong paghihimagsik. Kung sasabihin mong, “Minamaliit ako ng sambahayan ng Diyos, pati na rin ang aking mga talento at ang kaalamang natamo ko, at hindi ako nito tinatrato bilang isang indibidwal na may talento. Kaya, hindi ko na gagampanan ang tungkulin ko!” personal mong desisyon iyon na hindi gampanan ang iyong tungkulin; hindi iyon dahil sa ipinagkait sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang oportunidad o inalis ang iyong karapatang gampanan ito. Kung mabibigo kang gampanan ang iyong tungkulin, katumbas ito ng pagsuko mo sa iyong pagkakataon na mailigtas. Dahil inuuna mo ang pagpapanatili sa iyong mga propesyonal na kasanayan, kadalubhasaan, at personal na dignidad, tinatalikuran mo ang paggampan sa iyong tungkulin at ang pag-asa na makatanggap ng kaligtasan. Sabihin mo sa Akin, makatwiran ba ito o hindi makatwiran? (Hindi makatwiran.) Ito ba ay hangal o matalino? (Hangal.) Kaya, mayroon bang landas para sa kung ano ang dapat mong piliin? (Oo.) Mayroong landas. Kung gayon, nararamdaman mo pa rin bang napipigilan ka? (Hindi na.) Hindi ka na napipigilan, tama? Ang mga indibidwal na may mga emosyon na napipigilan at iyong mga walang emosyon na napipigilan ay ganap na may magkakaibang saloobin sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, at ganap na magkakaibang paraan sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang mga taong napipigilan ay hindi kailanman magiging masaya, hinding-hindi sila makakaramdam ng kapayapaan o kagalakan, at hindi nila mararanasan ang kasiyahan at kaginhawahan na dulot ng paggampan sa kanilang mga tungkulin. Siyempre, pagkatapos makalaya mula sa negatibong emosyong ito na pagpipigil, makakaramdam ang mga tao ng kaligayahan, kaginhawahan, at kasiyahan sa paggampan ng kanilang mga tungkulin sa loob ng sambahayan ng Diyos. Pagkatapos nito, dapat magsikap ang ilang tao sa kanilang paghahangad sa katotohanan—magiging maliwanag ang kinabukasan para sa mga taong tulad nito. Gayunpaman, kung palagi mong nararamdamang napipigilan ka at hindi mo hinahanap ang katotohanan para palayain ang iyong sarili, kung gayon, magpatuloy ka sa iyong pagpipigil at tingnan kung gaano katagal ka makapagtitiis. Kung mananatili ka sa ganitong kalagayan ng pagpipigil, magiging mapanglaw ang iyong hinaharap, napakadilim, kaya wala kang anumang makita, at walang magiging landas sa unahan. Mamumuhay ka sa bawat araw nang nalilito, magiging napakamangmang mo! Sa katunayan, hindi mahalaga ang usaping ito, isang maliit na bagay lamang ito, ngunit hindi makawala ang mga tao mula rito, hindi mabitiwan o mabago ito. Kung mababago nila ito, ang kanilang mentalidad at ang mga hangarin ng kanilang puso, pati na ang kanilang mga hinahangad, ay magiging iba. Sige na, tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan ngayong araw. Umaasa Ako na makalalaya na kayo mula sa negatibong emosyon na pagpipigil sa lalong madaling panahon!

Nobyembre 19, 2022

Sinundan: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5

Sumunod: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 7

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito