Paano Hangarin ang Katotohanan (25)
Ang nilalaman ng nakaraan nating pagbabahaginan ay tungkol sa paksa ng “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban sa Diyos,” na partikular na tumatalakay sa mga aspektong may kinalaman sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Nagbahaginan tayo tungkol sa kung paano dapat kilalanin at tratuhin ng mga tao ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang unang prinsipyo ay ang huwag ihambing ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit. Ano ang ikalawa? (Ang ikalawa ay ang huwag itumbas ang nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan.) Ngayong natapos na nating pagbahaginan ang paksa ng hindi paghahambing sa nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, mayroon ba kayong anumang bagong pagkaunawa tungkol sa kung paano tratuhin ang nagkatawang-taong Diyos? Nabitiwan na ba ninyo ang ilan sa mga dati ninyong kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at nagawa na ba ninyong kilalanin ang Diyos sa lupa nang mas praktikal? Napagtanto ba ninyo na ang ilan sa mga dati ninyong kaisipan, pagkaunawa, o saloobin tungkol sa Diyos ay resulta ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa ganitong paraan, una sa lahat, pagdating sa kaalaman, naitama na ninyo ang marami sa inyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa pagkakatawang-tao, at mula ngayon, ang saloobin at pamamaraan inyong pagtrato sa Diyos ay maaari ding maging medyo mas praktikal at tumpak. Kayong lahat ba ay mayroong ilang kaalamang batay sa karanasan sa bagay na ito? (Oo. Dati, mayroon akong ilang kathang-isip na kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, pakiramdam ko ay nauunawaan ng Diyos ang lahat ng bagay at nakakaalam Siya ng lahat. Sa pamamagitan ng nakaraang dalawang pagbabahagi ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos na nagkatawang-tao ay partikular na normal at praktikal. Halimbawa, kapag pumupunta Siya sa isang bansa, inaalam din Niya ang mga lokal na batas, at naniniwala Siyang mahalagang umasal nang sumusunod sa panuntunan at gumawa ng mga bagay nang tapat. Medyo tinamaan ako sa bahaging ito, dahil hindi ako umaasal sa paraang sumusunod sa panuntunan o gumagawa ng mga bagay-bagay nang tapat; minsan ay wala akong disiplina, at gusto ko pa ngang samantalahin ang mga butas. Pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos, naramdaman ko na ang imahe ng Diyos sa puso ko ay biglang naging praktikal at kongkreto.) Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa nilalamang ito, nagkamit ang mga tao ng mas obhetibo at praktikal na pagkakilala at damdamin tungkol sa Diyos. Dahil ba sa mga damdaming ito ay mas nararamdaman mo ang praktikal na pag-iral ng Diyos, o ang pagkakita ba sa Diyos na nagkatawang-tao na nagsasalita at kumikilos nang napakanormal at napakapraktikal ay nagpaparamdam sa iyo na ang Diyos ay napakaordinaryo—hindi pa nga kapani-paniwala—kaya sa halip ay nagkakaroon ka ng mga pagdududa at mas napapalayo ka sa Diyos? Ang mga pagpapamalas na ito ng pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos ay ganap na hindi kaayon ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na pinanghahawakan ng karamihan sa mga tao sa loob nila; lubhang magkaiba ang mga ito, at isa rin itong bagay na hindi kailanman naisip ng mga tao. Kaya, pagkatapos marinig ang nilalamang ito, nakakaramdam ka ba ng matinding pagkadismaya sa nagkatawang-taong laman ng Diyos? (Hindi. Pagkatapos makinig, pakiramdam ko ay naging mas kongkreto ang imahe ni Cristo sa puso ko, at pakiramdam ko ay napakadali Niyang lapitan. Noong una, inakala ko na si Cristo ay ang Diyos sa langit na bumaba sa lupa, at na dapat ay napakaringal at napakadakila Niya. Pero ngayon ay nakikita ko na si Cristo ay napakaordinaryo at napakapraktikal; sumusunod din Siya sa mga batas ng mundo ng tao, at kasabay nito ay praktikal Niyang ipinapahayag ang katotohanan para magtustos sa atin. Dahil dito, pakiramdam ko ay labis Siyang praktikal at kongkreto. Pakiramdam ko ay hindi na ganoon kalayo ang ugnayan ko sa Diyos, at sa halip ay mas napalapit ako sa Diyos.) Ganito ba ang nararamdaman ninyong lahat? Nagkaroon ba kayong lahat ng katulad na mga pakinabang? (Oo.) Kung gayon, kinakailangan pa ring pagbahaginan ang nilalamang ito. Isa itong aspekto ng katotohanan na kailangan at dapat taglayin ng mga tao; ito ay lubhang kailangan. Sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, ang aspektong ito ng katotohanan ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang aspektong ito ng katotohanan, magiging mas normal ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Tama? (Oo.) Pangunahing tinatalakay sa nilalamang ito ang pagbabahaginan tungkol sa ilang pagpapamalas ng pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, tinutulutan ang mga tao na makilala ang diwa ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, pati na rin ang ilan sa Kanyang mga batayan at prinsipyo sa pag-asal at paggawa ng mga bagay-bagay. Sa pamamagitan ng pag-alam sa mga batayan, prinsipyo, at partikular na pananaw na ito sa paggawa ng mga bagay-bagay, mas obhetibo at praktikal na mauunawaan ng mga tao ang Diyos at mauunawaan ang Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal.
Sa pamamagitan ng pag-unawa sa pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos, hindi ba’t dapat ay makilala mo ang ilan sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos sa langit? Kapag ang Diyos na nagkatawang-tao ay pumaparito sa gitna ng mga tao, sa pag-asal at paggawa Niya ng mga bagay-bagay, sumusunod Siya sa prinsipyo ng pag-asal sa paraang sumusunod sa panuntunan at paggawa ng mga bagay-bagay nang tapat. Paano naman ang Diyos sa langit, kung gayon? Bagama’t wala Siyang mga kongkretong pag-uugali ng sariling asal, at hindi wala Siyang kinalaman sa iba’t ibang aspekto ng sariling asal, kung titingnan ang paggawa ng Diyos ng mga bagay-bagay—batay man sa mga tala sa Bibliya, o batay sa nauunawaan, napapansin, at nararanasan ng mga tao sa mga kilos ng Diyos—mayroon bang anumang salungatan sa diwa at mga prinsipyo ng pag-asal at paggawa ng mga bagay-bagay ng Diyos na nagkatawang-tao? (Wala.) Sa teorya, dapat ay makatiyak tayo na walang salungatan. Bagama’t ang Diyos sa langit ay hindi nakikita o nahahawakan ng mga tao, gumagawa rin Siya ng mga bagay-bagay nang tapat at praktikal. Ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay may normal at praktikal na panig na nakikita at nakikilala ng mga tao, at ang Diyos sa langit ay mayroon ding normal at praktikal na panig. Hindi natin tatalakayin ang kapangyarihan, awtoridad, karunungan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at iba pa—isa iyong aspekto ng pagkakilala sa Diyos, pagkakilala sa diwa ng Diyos, at pagkakilala sa pagkakakilanlan ng Diyos, na maaaring hindi ninyo maabot. Pero pagdating sa ilan sa mga bagay na ginagawa ng Diyos na nakikita at nararanasan ng mga tao, ipinapamalas pa rin ng Diyos sa langit ang normal at praktikal na panig na ito. Halimbawa, nakatala sa Bibliya na nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, hiningahan Niya sila ng Kanyang hininga kaya naging mga buhay na tao sila na may mga espiritu, at pagkatapos ay inilagay sila sa Halamanan ng Eden. Bago nilikha ng Diyos ang mga ninuno ng sangkatauhan, sina Adan at Eba, gumawa ang Diyos ng serye ng mga bagay, na pawang inihanda para sa dalawang taong ito na nilikha ng Diyos. Para sa tao, nilikha ng Diyos ang langit at lupa, ang mga ilog at lawa, ang iba’t ibang na bagay sa lupa na may buhay, ang ang apat na panahon, at ang lahat ng iba pang kailangan ng tao. Bago likhain ang dalawang taong ito, nakompleto na ng Diyos ang gawaing ito nang hakbang-hakbang. Sa bawat hakbang na ginawa Niya, ang lahat ng bagay na ito na nilikha ng Diyos ay praktikal na lumitaw nang unti-unti sa materyal na mundong ito, at ang mga ito ay pawang mga bagay na nakikita ng mata ng tao. Nang umiral ang dalawang taong ito, handa na ang lahat ng ito. Pagdating naman sa kung ano ang ginawa ng Diyos para sa dalawang taong ito pagkatapos Niya silang likhain, nakatala rin ito sa Bibliya. Una, inilagay sila ng Diyos sa Halamanan ng Eden, at pagkatapos ay may sinabi Siya sa kanila sa isang napakapraktikal na paraan. Ano ang sinabi Niya? (“Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka” (Genesis 2:16–17).) Ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan ang tagubiling ito, at pagkatapos ay isang serye ng mga bagay ang nangyari. Pagkatapos niyon, ano ang ginawa ng Diyos para kina Adan at Eba? (Gumawa Siya ng mga kasuotang balat para sa kanila.) Gumawa ang Diyos ng mga kasuotang balat para damitan sila; dapat ay pamilyar na pamilyar na kayo sa kuwentong ito. Hindi ba’t ang serye ng mga bagay na ito na sinabi, ginawa, at itinagubilin ng Diyos ay nagpapakita ng isang malinaw na larawan? (Oo.) Sa pamamagitan ng mga eksenang ito, nagagawa ng mga tao na malalim o tunay na maunawaan na ang ibinubunyag o nakapaloob sa bawat kilos ng Diyos ay hindi hungkag, at higit pa rito, ang mga eksenang inilalahad sa mga tao ng bawat isang bagay na ginagawa ng Diyos ay hindi rin hungkag. Tama? (Oo.) Wala sa mga ginagawa ng Diyos ang hungkag, at wala ni isang bagay ang isa lamang teorya o islogan; ginagawa Niya ang lahat ng bagay nang praktikal. Sinasabi ng ilang tao, “Minsan ay isinasakatuparan ng Diyos ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng isang kaisipan, at minsan ay isinasakatuparan Niya ang mga bagay-bagay sa pamamagitan lamang ng isang salita.” Paano man isinasakatuparan ng Diyos ang usaping ito, ano’t anuman, ginagawa Niya ito nang praktikal; ginagawa Niya ang mga bagay-bagay sa isang praktikal at tapat na paraan. Hindi Siya sumisigaw ng mga islogan o basta-basta nagsasalita ng doktrina, ni hindi Siya nanlilinlang ng mga tao. Ano ang nabibilang sa paggawa ng mga bagay-bagay nang praktikal? Nagpaplano at nag-iisip ang Diyos, at kapag may ginagawa Siya, maaari Niyang gamitin ang Kanyang mga kaisipan, o gamitin ang Kanyang mga salita, o personal na gamitin ang Kanyang mga kamay para gawin ito. Paano natin ipinapahayag ang “personal na paggawa ng isang bagay” sa wika ng tao? Nangangahulugan ito ng personal na pagpunta para pangasiwaan ang usapin, personal na pagpapakaabala rito, at personal na paggamit ng Kanyang mga kamay para gawin ito. Kung titingnan ang lahat ng pagkakataong ito ng “personal,” hindi ba’t ang Diyos ay partikular na praktikal at tapat sa Kanyang paggawa ng mga bagay-bagay? (Oo.) Siyempre, hindi masyadong angkop na gamitin ang mga salitang ito na naglalarawan kung paano gumagawa ng mga bagay-bagay ang mga tao para ilarawan kung paano gumagawa ng mga bagay-bagay ang Diyos sa langit, pero limitado ang wika ng tao. Hangga’t nauunawaan ng mga tao na gumagawa ang Diyos ng mga bagay-bagay sa gayon kaangkop at kapraktikal na paraan, na Siya ay sistematiko, hindi kailanman gumagawa nang pabasta-basta, at hindi kailanman sumisigaw ng mga islogan, sapat na iyon. Sa lahat ng bagay na ginawa ng Diyos na itinala ng mga kamay ng tao, alin doon ang hindi personal na pinlano ng Diyos Mismo, ipinatupad nang hakbang-hakbang, at personal na sinubaybayan, ininspeksyon, at kinumpirma? Bagama’t ang mga bagay na ito ay itinala ng mga kamay ng tao at inilalahad sa nakasulat na anyo, nag-iwan ang mga ito sa sangkatauhan ng pinakamainam na kongkretong ebidensya para sa pagkakilala at pag-unawa sa Diyos.
Pagkatapos likhain ng Diyos sina Adan at Eba, gumawa Siya ng isa pang bagay: Sinabi Niya sa kanila kung paano isasabuhay ang kanilang buhay, kung anong mga responsabilidad ang dapat pasanin ng lalaki, at kung aling mga bagay ang dapat gawin ng babae. Tingnan ninyo kung gaano kadetalyado at kapartikular ang mga salita ng Diyos! Hindi gagawin ng mga tao ang kanilang gawain sa ganitong paraan, tama? (Oo.) Ang bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos ay ganito kapartikular, kaangkop, at kapraktikal; nilalayon Niyang magkamit ng mga resulta. At ano ang ipinapakita nito? Isantabi muna natin ang gayon kalaking usapin gaya ng paglikha sa langit at lupa at sa lahat ng bagay; kung pag-uusapan lang ang mga sinabi ng Diyos sa sangkatauhan at ang Kanyang mga panghihikayat sa sangkatauhan, pati na rin ang Kanyang mga pag-aalala, kabilang ang Kanyang mga partikular na panghihikayat, tagubilin, at pangaral para sa bawat isang bagay, ano ang ipinapakita ng mga ito? Sa isang banda, nakikita ninyo na ang Diyos ay napakahigpit at seryoso sa Kanyang paggawa ng mga bagay-bagay. Sa kabilang banda—at isa rin itong bagay na dapat malaman ng sangkatauhan—nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at bukod sa Kanyang pag-aalala para sa kanila, palagi Niyang tinutupad ang Kanyang responsabilidad sa kanila. Ang pagtupad na ito sa responsabilidad ay hindi hungkag na pananalita; palagi itong isinasakatuparan ng Diyos. Mula noong likhain ng Diyos ang sangkatauhan hanggang ngayon, palaging tinutustusan at inaakay Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagtuon sa mga buhay ng mga tao. Ang mga kilos ng Diyos sa sangkatauhan ay walang iba kundi ang pagtupad Niya sa Kanyang responsabilidad. Ang pariralang “pagtupad sa Kanyang responsabilidad” ay madaling isulat at madaling sabihin, pero ang dami ng mga bagay na ginawa ng Diyos ay hindi lubos-maisip ng tao. Sa pangkalahatan, nangangahulugan ito ng mga bagay tulad ng pagsasaayos ng Diyos para sa reinkarnasyon ng bawat kaluluwa—kung sa anong uri ng pamilya sila mamumuhay, kung ano ang magiging hitsura nila, kung kailan sila mananampalataya sa Diyos, kung ano ang magiging uri ng kapalaran nila sa buhay na ito, at ang isang serye ng iba pang gayong mga bagay. Ang mga ito ang mga pagsasaayos na ginagawa ng Diyos para sa mga tao sa malawakang antas. Pagdating naman sa mas maliliit na detalye, nagtutustos ang Diyos para sa pang-araw-araw mong mga pangangailangan, tinitiyak na malaya ka sa mga pag-aalala tungkol sa pagkain at pananamit, at na may kasiguruhan ang materyal mong buhay. Pagdating naman sa mas maliliit pang detalye, araw-araw ay nagsasaayos ang Diyos ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay para samahan ka habang lumalaki ka, at para makasama mo habang pinagdadaanan mo ang bawat araw, bawat ibang yugto, at maging ang bawat espesyal na yugto, tinutulutan ka na patuloy na magtamo ng bagong pagkaunawa at mga bagong damdamin tungkol sa Lumikha, sa sangkatauhan, sa iyong sarili, at sa buhay. Nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan at gumawa ng napakaraming bagay—alin sa Kanyang mga salita ang isa lamang islogan o isang doktrina? Alin sa mga bagay na Kanyang ginagawa ang hungkag at hindi praktikal? Wala sa mga ginagawa Niya ang hungkag, at wala ni isang salita na Kanyang sinasabi ang isa lamang islogan o isang doktrina. Sa kabaligtaran, palagi nang ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, bago pa man Niya ipaalam ang mga ito sa sangkatauhan. Bagama’t hindi alam, nauunawaan, pinaniniwalaan, o kinikilala ng sangkatauhan ang mga katunayang ito, matatag na ipinagpatuloy ng Diyos ang paggawa sa mga ito. Isantabi muna natin kung gaano karaming bagay ang ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan, kung gaano karaming pagsisikap ang Kanyang inilaan sa sangkatauhan, at kung gaano karaming biyaya ang Kanyang ipinagkaloob sa sangkatauhan. Kung pag-uusapan lang ang mga gawa ng Diyos mismo, alin sa mga ito ang hindi ginawa sa isang praktikal at hakbang-hakbang na paraan? (Ginagawa Niya ang bawat isang bagay sa isang praktikal na paraan.) Tingnan ninyo kung paano palakihin ng mga tao ang kanilang mga anak: Sila ay pabasta-basta at sinusubukan nilang iraos lang ang mga bagay-bagay; minsan ay emosyonal sila, minsan ay sukdulan sila, at minsan ay isinasama pa nga nila ang kanilang mga personal na kagustuhan, hindi gaanong pinahahalagahan ang kanilang mga anak na babae, kundi labis na kinagigiliwan, pinalalayaw, at inaalagaan ang kanilang mga anak na lalaki, kumikilos nang iresponsable at hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan. Responsabilidad ng mga tao na palakihin at turuan ang mga anak, pero tinupad ba ng mga tao ang responsabilidad na ito? (Hindi.) Tingnan ninyo kung paanong perpektong naisasakatuparan ang bawat isang bagay na ginagawa ng Diyos, binibigyang-kakayahan ang sangkatauhan na tumahak sa tamang landas sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at mamuhay sa ilalim ng gabay ng Diyos. Wala ni isang hakbang ng gawain ng Diyos o isang bagay na Kanyang ginagawa ang hungkag; lahat ng ito ay praktikal. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, gaano man karaming gawain ang ginawa ng Diyos, at batid man o kinikilala ng sangkatauhan ang lahat ng ito, ang mga kilos ng Diyos sa mga tao at ang responsabilidad na Kanyang tinutupad para sa kanila ay, ano’t anuman, komprehensibo at kompleto, hindi nagkukulang kahit kaunti. Hindi Siya kailanman pabasta-basta at hinding-hindi Siya walang-ingat. Ano ang ibig sabihin ng “hinding-hindi walang-ingat”? Nangangahulugan ito na tinatrato Niya ang lahat sa isang seryosong paraan, nang may partikular na kasigasigan at kahigpitan, palaging sa paraang sumusunod sa panuntunan at hindi kailanman ayon sa personal na kagustuhan, at nang ganap na walang anumang katigasan ng ulo o pagiging pabasta-basta ng tao. Isantabi muna natin ang lahat ng iba pang bagay; tingnan lang natin ang usapin ng pagprotekta sa kaligtasan ng mga tao—gaano ito kahusay na ginagawa ng Diyos? Ang buhay, kamatayan, at personal na kaligtasan ng lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Para sa Diyos, ito ang pinakadakilang usapin. Kahit pa minsan ay makaranas ka ng ilang panganib at maharap ka sa kamatayan, kung hindi iyon ang araw na nakatakda kang mamatay, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay. Kung hindi inorden ng Diyos na mamatay ka, gagarantiyahan ng Diyos ang iyong kaligtasan. Ito ay walang palya, at pinangangasiwaan ito ng Diyos sa isang partikular na masusi at tumpak na paraan. Sa madaling salita, ang mga sinabi Ko ay pawang totoo, at nakikita ito ng mga tao. Hindi nakikita ng mga tao kung paano gumagawa ng mga bagay-bagay ang Diyos sa langit, pero sa malao’t madali, makikita nila ang mga katunayan ng mga ginawa ng Diyos at ang mga resultang Kanyang nakakamit. Sa lahat ng ilang libong taon ng pamumuhay ng sangkatauhan sa lupa, sino ang nabuhay nang wala ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Sino ang nabuhay nang wala ang pagtutustos at paggabay ng Diyos? (Walang sinuman ang makakapamuhay nang wala ang mga ito.) Ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ang Kanyang pagtutustos at paggabay, ay pawang ginagawa ng Diyos Mismo nang personal, at ginagawa nang praktikal. Kung hindi gumagawa ang Diyos ng mga bagay-bagay sa gayon kapraktikal at katapat na paraan, matagal na sanang nagkagulo-gulo ang sangkatauhan; kahit papaano man lang, walang sinuman ang makakapagpanatili ng kaayusan para sa sangkatauhan. Kaya, sa malalaki o maliliit man na bagay, ang mga taong sumunod sa Diyos hanggang ngayon ay dapat na makaunawa na hindi lang nagsasalita, gumagawa ng mga bagay-bagay, at gumagawa ang Diyos sa Kanyang nagkatawang-taong laman, nagtutustos sa sangkatauhan ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, kundi ang Espiritu ng Diyos ay walang-tigil ding may kataas-taasang kapangyarihan, umaakay, at nagtutustos sa sangkatauhan, at ang lahat ng ito ay ginagawa nang praktikal. Iyon nga lang, nakikita, naririnig, at praktikal na nauunawaan ng mga tao ang nagkatawang-taong laman ng Diyos na nagsasalita at gumagawa, samantalang ang saklaw ng ginagawa ng Diyos sa langit ay higit na mas malaki at medyo mas malayo sa mga tao, kaya hindi ito maramdaman at maunawaan ng mga tao nang malapitan tulad ng nararamdaman at nauunawaan nila kapag nagsasalita at gumagawa ang nagkatawang-taong Diyos. Samakatwid, pagdating sa pagkilala sa Diyos sa langit o sa Diyos sa lupa, dapat alisin ng mga tao ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kumawala sila sa mga hungkag na teorya at islogan, at praktikal na maunawaan ang pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos, pati na rin ang Kanyang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat, sa pamamagitan ng gawaing Kanyang ginagawa at ng mga salitang Kanyang sinasabi. Sa ganitong paraan, sa isang banda, matatrato mo nang tama ang nagkatawang-taong laman ng Diyos; sa kabilang banda, mas maaalis mo sa iyong sarili ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos sa langit; at sa kabilang banda naman, mas makikilala mo na ang Diyos sa lupa at ang Diyos sa langit ay iisa, sa halip na ipilit ang iyong mga kathang-isip na kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos sa langit sa nagkatawang-taong laman ng Diyos—ang paggawa nito ay magiging isang malaking pagkakamali. Ibig sabihin, sa isang banda, susuriin mo ang Diyos sa langit gamit ang mga kathang-isip na kuru-kuro at imahinasyon, habang kasabay nito, hindi mo mas matatanggap at makikilala ang Diyos sa lupa. Ang paggawa sa dalawang bagay na ito ay hindi lang mabibigo na idulot na mas mapalapit ka sa Diyos, kundi sa halip ay magiging sanhi ito para mas mapalayo ka sa Kanya, nagdudulot sa iyo na mamuhay sa sarili mong mga hungkag na kuru-kuro at imahinasyon, hindi maunawaan ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos.
Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa “hindi paghahambing sa nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit,” nagagawa ba ng mga tao na magsagawa nang tumpak sa bagay na ito? (Oo.) Sa madaling salita, sa pagtrato sa nagkatawang-taong Diyos, kung magagawa mong tanggapin Siya, at pagkatapos ay makilala ang Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal, at tumanggap at magpasakop sa Kanyang mga salita at gawain at sa Kanyang mga hinihingi para sa mga tao, sapat na iyon. Pagdating naman sa mga likas na ugali at mga likas na kondisyon ng laman sa loob ng pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos, kailangan lang ng mga tao na magkaroon ng tamang pag-arok sa mga ito at magawang tratuhin ang mga ito nang tama. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang ordinaryong Anak ng tao; tiyak na taglay Niya ang mga likas na kondisyon at ang mga normal na likas na ugali at papel ng laman na dapat taglayin ng isang tao. Halimbawa, makakaramdam ng init ang isang ordinaryong tao kapag nadikit ang kamay niya sa apoy, at hindi eksepsiyon ang Diyos na nagkatawang-tao. Babahing ang isang normal na tao pagkatapos malamigan, at kung malubha ito, sisipunin siya. Ganito rin ba ang nagkatawang-taong Diyos? (Oo.) Makakaramdam ng uhaw ang mga tao kung masyadong maalat ang pagkain nila, at sasakit ang tiyan nila kung makakakain sila ng pagkaing hindi natutunaw sa tiyan. Mayroon bang gayong mga damdamin ang nagkatawang-taong laman ng Diyos? (Oo.) Kapag mainit ang panahon, makakaramdam ng init ang mga tao at gugustuhin nilang humanap ng malamig na lugar; ganito rin ang nagkatawang-taong Diyos. Ano ang inisip ninyo noon? Naisip ba ninyo, “Hindi matitiis ng mortal na laman nating mga tao ang init kapag umabot ang temperatura sa tatlumpu o apatnapung degree Celsius, pero hindi natatakot sa init ang nagkatawang-taong laman ng Diyos; nangingibabaw Siya sa laman at wala Siyang mga ganitong pakiramdam”? Ano ang ipinapahiwatig dito? Iniisip ba ng mga tao na ang Diyos na nagkatawang-tao ay parang isang robot o isang pigurang gawa sa kahoy, na hindi kumakain, natutulog, o nagkakasakit? Mali iyon. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay may buhay ng laman, na kapareho ng sa isang normal na tao. Hindi Siya pambihira o kakaiba. Ang laman na ito ay may normal at praktikal na panig, iyon ay na ang mga papel at instinto ng Kanyang laman ay kapareho ng sa sangkatauhan. Nagbahaginan tayo noon tungkol sa kung paanong ang mga tungkulin at instinto ng laman ay pawang mga bagay na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan nang likhain Niya sila; likas na taglay ng sangkatauhan ang mga ito, hindi mga negatibong bagay. Kaya, bakit palagi ninyong iniiwasan ang katunayan na taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga normal na tungkulin at instinto ng laman? Ang dahilan ba kung bakit iniiwasan ito ng mga tao ay dahil iniisip nilang hindi normal ang mga bagay na ito, nagkikimkim sila ng panghuhusga sa kanilang puso laban sa mga pagpapamalas na ito ng mga normal na tungkulin ng laman, at tutol sila sa pagtataglay ng Diyos na nagkatawang-tao ng mga pagpapamalas na ito? (Minamaliit ko nga ang mga praktikal na bagay na ito sa puso ko.) Bagama’t maaaring maliitin ng mga tao ang mga bagay na ito, o sa antas ng kamalayan ay manatiling hindi sigurado kung tama ba o mali ang mga ito, hindi nila namamalayang kokondenahin nila ang mga ito. Pinatutunayan nito na walang lubos na pagkaunawa ang mga tao sa mga instinto, papel, at ilan sa mga likas na kondisyon ng laman ng tao, na pawang nilikha ng Diyos, at ito ang dahilan kung bakit maaaring marami silang baluktot na kaisipan, o maaaring marami silang hindi praktikal na kuru-kuro at imahinasyon. Sabihin ninyo sa Akin, kailangan bang matulog ng Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) Kapag natutulog Siya, iniisip pa rin ba Niya ang gawain? (Hindi, tulog Siya.) Isa iyang matapat na sagot; talagang tulog Siya. Kung hindi, paano Siya makakapagpahinga? Kailangan din ng utak Niya ng pahinga; isa itong normal na papel ng laman, at isa ring instinto ng laman. Kapag malamig, nagsusuot Siya ng mas makakapal na damit, at kapag mainit, nagsusuot Siya ng mas maninipis na damit. Nakakaramdam Siya ng lamig, init, ulan, at niyebe. Ito ay normal na pagkatao; hindi ito hungkag kahit kaunti. Kung wala kang nararamdaman, hindi ba’t medyo hangal ka? Hindi ba’t mapurol ang isip mo? (Oo.) Ang lahat ng pandama at tungkulin ng katawan ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay totoo, tunay na umiiral ang mga ito, at normal na gumagana ang mga ito; hindi hungkag ang mga ito kahit kaunti. Ngunit iniisip ninyo na hungkag at sobrenatural ang mga ito. Nakilala Ko minsan ang isang Tsino na medyo kakatwa ang pananalig. Naniwala siya na ang pananalig ay dapat kinabibilangan ng ilang kakatwa at nakakatakot na bagay, at na ito lang ang pananalig. Halimbawa, kapag umuulan, uusal siya ng isang uri ng orasyon at hindi siya papatakan ng ulan, at kapag umusal siya ng isa pang orasyon, titigil ang ulan. Ipinagmalaki pa nga niya ito, iniisip na mayroon siyang mga tunay na abilidad. Naniwala siya na ito ang pananalig, at na mas mataas ito kaysa sa ordinaryong pananalig. Sasabihin ba ninyo na medyo baligho ang taong ito? (Oo.) Isa itong masamang espiritu. Pero ang mga kaisipan at pananaw ng ganitong uri ng tao ay kumakatawan sa isang bahagi ng mga tao. Maraming tao ang palaging puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, sinasabi sa kanilang puso: “Ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay tiyak na isang pambihirang tao o isang taong nakatamo ng ‘daan.’ Kaya Niyang gumawa ng mga bagay na hindi kayang gawin ng mga ordinaryong tao, magsalita ng mga salitang hindi kayang sabihin ng mga ordinaryong tao, makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng mga ordinaryong tao, at makarinig ng mga tunog na hindi naririnig ng mga ordinaryong tao. Alam Niya kung ano ang sinasabi at ginagawa ng mga tao kapag nakatalikod Siya. Nararamdaman at nalalaman Niya kung may anumang paranormal na penomenon o hindi kilalang entidad sa paligid Niya, at alam pa nga Niya kung ano ang ginagawa ng Diyos sa langit. Ito lang ang nagkatawang-taong Diyos!” Ang ganitong uri ng kaisipan ay kapareho ng mga kuru-kuro at imahinasyon na mayroon ang mga walang pananampalataya tungkol sa Diyos. Umaasa ang lahat ng tao na makatagpo ng gayong Diyos, at kung balang araw ay makikita at makakasalamuha nila ang Diyos na ito, magiging pagpapala ito ng buong buhay nila. Gayumpaman, ang pagparito ng Diyos na nagkatawang-tao sa gitna ng mga tao at pamumuhay kasama nila ay labis na nakadismaya sa mga tao. Walang sinuman ang nakakakita ng anumang sobrenatural na pagpapamalas sa Diyos na nagkatawang-tao, ni walang sinuman ang nakakaramdam ng mga sobrenatural na bagay na ito mula sa Kanya. Ngunit napakalikot pa rin ng mga imahinasyon ng mga tao; marami pa ring kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at namumuhay pa rin sila sa kanilang mga imahinasyon. Dahil napakaraming kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba’t mas marami pa silang magiging kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos sa langit? (Oo.) Ang mga kuru-kuro at imahinasyong iyon ay mas kakaiba, mas hindi kaayon ng mga katunayan, at mas hindi obhetibo, at marami pa ngang lubhang nakakatakot at di-kapani-paniwalang kaisipan ang mga tao. Ano’t anuman, sa pamamagitan ng nilalamang pinagbahaginan natin, sa pangkalahatan ay magagawa ng mga tao na tamang maunawaan, tamang makilala, at tamang matrato ang normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos, o ang pagiging normal, pagiging obhetibo, at pagiging praktikal ng laman. Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng laman—na nakikita at nakakasalamuha ng mga tao—na praktikal na nakikipagbahaginan at nakikipag-usap sa mga tao, nakikipag-ugnayan sa mga tao, at gumagawa ng iba’t ibang aspekto ng gawain sa mga tao, makikilala ng mga tao kung paano gumagawa ng mga bagay-bagay ang Diyos at kung paano gumagawa ang Diyos sa isang mas mabuti, mas praktikal, at mas obhetibong paraan. Sa pagkilala sa nagkatawang-taong Diyos, mas mauunawaan din ng mga tao ang Diyos sa langit.
Tungkol sa nilalamang ito sa pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, una nating pinagbahaginan kung paano umaasal at gumagawa ng mga bagay-bagay ang nagkatawang-taong Diyos, kung anong mga bagay ang Kanyang ginagawa, at kung ano ang Kanyang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Napagbahaginan na natin ang mga aspektong ito nang lubusan. Mayroon pa ba kayong hindi nauunawaan? Kailangan Ko pa bang magdagdag ng iba pa? Mas nauunawaan ba ninyo nang kaunti ang pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos? (Oo.) Ano ang nakikita ninyo mula sa mga praktikal na pagpapamalas na ito? (Nakikita ko na ang nagkatawang-taong Diyos ay normal at praktikal.) Ang nagkatawang-taong Diyos ay normal at praktikal; kailangan din Niyang mag-isip bago Siya magsalita, at ang Kanyang pananalita at pag-uugali ay pawang normal, nang walang kahit katiting na sobrenatural na pagpapamalas. Ito ay isang bagay na hindi ninyo inasahan, hindi ba? (Oo.) Ang nagkatawang-taong Diyos ay walang ikatlong mata, ni wala Siyang pandinig na higit sa tao, lalong wala Siyang anumang pambihirang sobrenatural na abilidad na lagpas sa mga instinto ng laman. Kung may nakalantad na kawad ng kuryente sa isang lugar, hindi Ko rin iyon hahawakan. Bakit hindi Ko iyon hahawakan? (Makukuryente at masasaktan Ka.) Ayon sa inyong imahinasyon, kahit direkta Kong hawakan iyon, hindi Ako makukuryente at masasaktan. Pero talagang wala Akong ganoong kapabilidad, at hindi Ko rin iyon hahawakan. Sa isang banda, alam Kong ang pagkakuryente ay nagdudulot ng pinsala; mayroon Akong sentido komun sa bagay na ito, at mayroon Akong normal na pagkamakatwiran. Sa kabilang banda, hinding-hindi Ko sasabihing, “Ayos lang. Isa Akong espesyal na personalidad na may espesyal na pagkakakilanlan at espesyal na katayuan. Hindi Ako masasaktan ng kuryente. Hahawakan Ko lang ito at titingnan Ko kung mamamatay Ako.” Hindi Ako gagawa ng gayong di-makatwirang bagay. Ayon sa inyong mga kuru-kuro, anumang mapanganib na bagay na hindi nangangahas ang mga tao na hawakan, mangangahas Akong hawakan; matatakot kayo sa gayong mga bagay, pero Ako ay hindi, dahil espesyal ang Aking pagkakakilanlan, naiiba Ako sa inyo, nagmula Ako sa langit, at Ako ang nagkatawang-taong Diyos, kaya hindi Ako natatakot at maaari Akong kumilos nang ganoon. Sabihin ninyo sa Akin, kikilos ba Ako nang ganoon? (Hindi.) Hindi Ako kikilos nang ganoon. Saan ito nakabatay? Sa pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Ang konsensiya at pagkamakatwiran na tumutukoy sa pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos ay normal din. Kung walang kamalayan ng konsensiya ang nagkatawang-taong Diyos, at kung hindi normal ang Kanyang pagkamakatwiran, paano Siya makakagawa ng gawain sa normal na pagkatao? Kung wala Siyang kamalayan ng konsensiya at hindi normal ang Kanyang pagkamakatwiran, anong uri ng tao ito? Hindi ba’t ito ay hindi-tao? (Oo.) Samakatwid, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa pag-iisip at pamumuhay ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos ay pawang hindi praktikal; ang mga ito ay pawang pambihira, kakatwa, nakakatakot, at kakaiba, at ang mga ito ay pawang walang kaugnayan sa konsensiya at pagkamakatwiran na tumutukoy sa pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, kung magkakasama tayong nakaupo at may mga lamok sa paligid, kakagatin ba Ako? (Oo.) Naisip ba ninyo noon, “Kahit sino pa ang kagatin ng mga lamok, hindi nila kakagatin si Cristo. Nilikha ng Diyos ang mga lamok; hindi nila makakagat ang Lumikha”? Mali bang mag-isip nang ganito? Lihis ba ito sa realidad? (Oo.) Hindi rin nagpapakita ng anumang paggalang sa Akin ang mga lamok. Walang damdamin ang mga ito; hangga’t ang isang tao ay may mortal na laman at may dugo sa kanyang katawan, mangangagat ang mga ito, at pagkatapos mangagat ng mga ito, lilitaw ang isang pantal. Ano ang dapat mong gawin kapag nagkapantal ka? Agad Akong naghihiwa ng isang pirasong bawang at ipinapahid ito. Nakakabawas ng pamamaga ang bawang, nakakapatay ng bakterya, at nakakapigil ng pangangati. Pagkatapos itong ipahid nang ilang sandali, tumitigil sa pangangati ang kagat, at unti-unting nawawala ang pantal. Sentido komun ito. Maaaring isipin mo na karaniwan lang ito, pero napakapraktikal nito. Nakikita mo, kapag nakakaranas kayo ng mga isyu sa buhay, naghahanap kayo ng ilang lunas sa bahay at mauutak na maliliit na diskarte, at ganoon din Ako. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Nilalayon Kong sabihin sa inyo na ang konsensiya at katwiran na taglay ng pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos, ang Kanyang pag-iisip at mga kaisipan, pati na rin ang mga kaisipan, pananaw, at saloobin na Kanyang binubuo at ang mga solusyon na Kanyang naiisip sa pagtingin sa mga tao at mga bagay at kapag nahaharap sa iba’t ibang problema sa tunay na buhay, ay pawang normal at praktikal; ang mga ito ay hindi kakaiba, kakatwa, sobrenatural, baluktot, o sukdulan. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.) Ibinibigay Ko ang mga halimbawang ito para magkaroon kayo ng mas praktikal na pagkaunawa sa buhay at mga pagpapamalas ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos. Ang mga pagpapamalas na ito ay hindi hungkag kahit kaunti, ni hindi kakatwa ang mga ito, lalong hindi pambihira; sa halip, ang mga ito ay napakanormal at napakapraktikal. Ang pagiging normal at pagiging praktikal na ito ay tunay na pagiging normal at pagiging praktikal. Bukod sa mga pananaw at prinsipyo na taglay Niya sa pag-asal at pagkilos, ang mga instinto at papel ng Kanyang laman ay normal din. Halimbawa, kapag sinisipon kayo, bumabahing at umuubo kayo, at inaabot ng isa o dalawang linggo bago kayo gumaling. Kung sisipunin Ako, magkakaroon din Ako ng mga sintomas na ito, at aabutin din Ako ng isa o dalawang linggo bago gumaling. Ganito kayo, at ang nagkatawang-taong Diyos ay ganito rin Mismo. Ang mga aspektong ito ay hindi lihis sa realidad kahit kaunti, ni hindi nakakaapekto ang mga ito sa paggawa Niya ng partikular na gawain, o nakakaapekto sa Kanyang pagsasagawa ng gawaing nilalayon Niyang gawin sa gitna ng mga tao. Ibig sabihin, ang normal at praktikal na panig na ito ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi makakaapekto, sa anumang paraan, sa ministeryong ginagampanan ng nagkatawang-taong Diyos, ni hindi ito magiging sagabal o makakaapekto sa mga resulta ng gawain ng Diyos, lalong hindi makakaapekto sa pag-usad ng gawain ng Diyos. Ang ministeryong ginagampanan ng nagkatawang-taong Diyos ay mismong ang magpahayag ng mga salita, gumawa ng gawain, at maglakad sa gitna ng mga tao sa pamamagitan ng isang normal at praktikal na laman.
Ang lahat ng napagbahaginan natin sa itaas ay tungkol sa pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang layunin ng pagbabahaginan tungkol sa nilalamang ito ay para lutasin ang problema ng palaging paghahambing ng mga tao sa nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit. Ang nilalamang napagbahaginan natin ay pangunahing sumasaklaw sa isang aspekto ng mga pagpapamalas ng pagiging normal at pagiging praktikal ng mga instinto ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos; ang isa pang aspekto ay pangunahing sumasaklaw sa kung paano umaasal at kumikilos ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Siyempre, hindi ito nangangahulugan na dahil lang alam ng mga tao kung gaano kanormal at kapraktikal ang nagkatawang-taong Diyos sa Kanyang pananalita at mga kilos, nagagawa na nilang tratuhin ang nagkatawang-taong Diyos sa isang ganap na tamang paraan; malayo pa rin ito sa pagiging sapat. Ngayong alam na natin kung paano nagsasalita at gumagawa ang nagkatawang-taong Diyos, at kung paano Siya umaasal at kumikilos, magbahaginan tayo tungkol sa kung anong mga bagay ang hindi ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos, o sa anong mga paraan Siya naiiba sa sangkatauhan.
Ang ilang pagpapamalas ng pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, sa maraming aspekto, ay kapareho ng mga instinto ng sangkatauhan—ibig sabihin, ng mga instinto, papel, at likas na kondisyon ng laman ng tao. Masasabing ang nagkatawang-taong Diyos at ang ordinaryong sangkatauhan ay pareho pagdating sa mga instinto. Gayumpaman, bukod sa pagkakatulad na ito, ang Kanyang buhay diwa, pagkakakilanlan, disposisyon, at iba pa ay ganap na naiiba sa mga taglay ng tiwaling sangkatauhan. Saklaw nito ang mga paraan kung paano naiiba ang mga pagpapamalas ng Kanyang pagsasabuhay at ng Kanyang disposisyong diwa sa mga pagpapamalas ng tiwaling sangkatauhan. Ang pag-uusap tungkol dito ay nagdadala sa atin sa susunod na paksang pagbabahaginan natin, iyon ay ang ikalawang paksa tungkol sa pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong Diyos: ang hindi pagtutumbas sa nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan. Para lutasin ang problemang ito, kailangan pa rin nating ibatay ang ating pagbabahaginan sa iba’t ibang paghahayag at sa iba’t ibang aspekto ng pagsasabuhay na ipinapamalas ng nagkatawang-taong Diyos. Sa teorya, sumasang-ayon ba kayo sa pahayag na, “Huwag itumbas ang nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan”? (Oo.) Gusto rin ninyong magsagawa ayon sa pahayag na ito, at handa kayong lutasin ang problemang ito, pero mayroon ba kayong landas ng pagsasagawa para sa kung paano maiiwasan ang pagtutumbas sa nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan? Malayong maging madali ang makahanap ng landas ng pagsasagawa, hindi ba? Ang hindi pagtutumbas sa nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan ay isang hinihinging iniatang sa inyo, pero bakit ginagawa ang gayong paghingi? Karapat-dapat itong pagbulayan. Kapag nakakasalamuha ng mga tao ang nagkatawang-taong Diyos, dahil sa anyo ng Kanyang pagkakatawang-tao at sa Kanyang panlabas na anyo, madalas na natural nila Siyang tinatrato bilang isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Katumbas ito ng pagtrato sa nagkatawang-taong Diyos bilang isang tao na ganap na walang kinalaman sa diwa, pagkakakilanlan, at disposisyon ng Diyos, at pagkatapos ay paggamit sa paraan ng pag-iisip ng tiwaling sangkatauhan kapag nakikipag-ugnayan sa Kanya, ginagamit ang mga paraan ng pakikipag-ugnayan nila sa iba para tratuhin ang nagkatawang-taong Diyos. Dahil dito, ang paraan ng pagtrato ng mga tao sa Diyos sa isang banda ay nagpapakita ng maling saloobin nila sa Kanya, at sa kabilang banda ay nagpapakita ng isang malaking problema na umiiral sa loob nila: Hindi nila kilala ang nagkatawang-taong Diyos. Bagama’t pasalitang kinikilala ng mga tao ang nagkatawang-taong Diyos at sinusunod nila Siya sa panlabas na anyo, hindi nila tunay na nakilala o natanggap ang ordinaryong taong ito. Ang hindi pagtanggap sa ordinaryong taong ito ay nangangahulugan ng hindi pagtrato sa ordinaryong taong ito bilang ang nagkatawang-taong Diyos; ang implikasyon nito ay na tinatrato ng mga tao ang ordinaryong taong ito bilang isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Para maiwasan ang problemang ito, at para malutas din ito, muli tayong magbabahaginan ngayon tungkol sa mga pagpapamalas ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, at kung paano dapat kilalanin at unawain ng mga tao ang iba’t ibang pagpapamalas na Kanyang inihahayag sa Kanyang mga pakikipag-ugnayan at pakikitungo sa mga tao. Tingnan muna natin ang ilang isyu na may kinalaman sa nagkatawang-taong Diyos na hindi maunawaan ng mga tao, o ilang isyu na madaling tinitingnan ng mga tao sa pamamagitan ng pananaw ng tiwaling sangkatauhan. Una, tukuyin natin kung anong mga bagay ang hindi ginagawa ng ordinaryong Anak ng taong ito, ng nagkatawang-taong Diyos, o ilang bagay na naipapamalas sa Kanya na nabibigong makilala ng mga tao. Ano ba talaga ang tinutukoy ng mga bagay na ito? Una sa lahat, hindi Siya nanlilinlang, ni hindi Siya gumagawa ng mga bagay tulad ng pakikipagtunggali, pakikipag-away, pagpapakana, pag-atake, paghihiganti, pang-aakit, at iba pa. Bakit dapat maunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito? Sa sandaling maunawaan mo ang mga bagay na ito, magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa disposisyon at diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Sa pagkakaroon ng tunay na pagkaunawa, saka mo lamang magagawang hindi itumbas ang nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan. Kapag nagawa mong hindi itumbas ang nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan, saka mo lamang makakamit ang isang normal na ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos, makakapanindigan ka sa tamang posisyon ng isang nilikha, at matatrato mo ang nagkatawang-taong Diyos nang may saloobing dapat taglayin ng isang nilikha.
Tungkol sa mga bagay na hindi ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos, magbahaginan muna tayo tungkol sa aspekto ng hindi panlilinlang. Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng panlilinlang? Pagsasabi ng mga kasinungalingan, pamemeke, pagkukunwari, pagpapanggap bilang isang bagay na hindi naman ikaw, pagyayabang, pagsasalita nang walang-ingat, at iba pa. Ang mga pagpapamalas ba na kakabanggit Ko lang ay karaniwang nakikita sa tiwaling sangkatauhan? (Oo.) Ang panlilinlang at pagsisinungaling ay isang pangunahin at malinaw na katangian ng tiwaling sangkatauhan; ang mga ito ay karaniwang katangian ng buong tiwaling sangkatauhan, at walang sinuman ang makakatakas dito, walang eksepsiyon. Nagsisinungaling ang lahat, nagkukunwari ang lahat, at nagpapanggap ang lahat bilang isang bagay na hindi naman sila, umaarte, at nagpapanggap. Higit pa rito, likas na ito sa kanila; hindi nila kailangan na turuan sila ng kanilang mga magulang, ni hindi nila kailangan ng sinuman para impluwensiyahan, udyukan, o sulsulan sila. Ipinanganak silang mga sinungaling. Kalabisan ba ang pagsasabi nito? (Hindi.) Paano naman ang nagkatawang-taong laman ng Diyos? Huwag na nating pag-usapan ang mga bagay na malayo sa atin; pagdating sa paraan ng pagsasalita Ko, sa pananalita ng tao, tinatawag Ko ang isang bagay kung ano talaga ito. Halimbawa, kapag ginagabayan Ko kayo sa ilang propesyonal na gawain, kung may isang bagay na hindi Ko alam kung paano gawin, sasabihin Ko, “Hindi masyadong malinaw sa Akin ang usaping ito. Hindi Ko alam kung paano ito gawin. Dapat kayong maghanap ng ilang sanggunian.” Kung may kaunti Akong alam tungkol sa usapin, sasabihin Ko kung ano lang ang alam Ko. Pagkatapos Kong sabihin ang alam at nauunawaan Ko, sasabihin Ko, “Kung mayroon Akong nakaligtaan at alam ninyo iyon, maaari ninyo itong idagdag.” Nakikita mo, obhetibo at matapat ba ang mga salitang ito na sinasabi Ko? (Oo.) Ilang taon na ninyong pinakikinggan ang mga sinasabi Ko, kaya may nakikita ba kayong anumang panlilinlang sa Aking mga salita? Anumang pagkukunwari? Anumang pamemeke? (Wala.) Kapag nakikipagbahaginan Ako sa mga pagtitipon o karaniwang gumagabay sa ilang propesyonal na gawain, madalas Akong nagbibigay ng mga halimbawa, nagbabanggit ng ilang maliit at di-mahalagang bagay mula sa pang-araw-araw na buhay. Bagama’t maaaring makaligtaan ang ilang detalye ng proseso sa ilang partikular na usapin, ang usapin mismo ay isang katunayan. Dagdag pa rito, may mga saksi sa kung paano Ko pinangasiwaan at isinagawa ang mga usaping iyon. Nagsinungaling na ba Ako kailanman? (Hindi.) Hindi Ako nagsisinungaling, ni hindi Ako umaarte o nagpapanggap. Nakikita mo, isinusuot Ko ang parehong mga damit kapag lumalabas Ako at kapag nasa bahay Ako. Minsan, kung marumi ang mga damit Ko, nagpapalit Ako ng malilinis na damit kapag lumalabas Ako. Ito ay pagsusuot lang ng mga damit na medyo mas malinis; hindi Ako magpapalit ng isang set ng mamahalin at may tatak na mga damit para lang lumabas. Ang pagsusuot ng mga ordinaryong damit sa bahay at pagsusuot ng mga damit na medyo mas malinis kapag lumalabas—hindi ito pag-arte; ito ay normal na pagkatao.
Ang panlilinlang, pag-arte, at pagpapanggap—ang mga ito ay mga bagay na madalas gawin ng tiwaling sangkatauhan. Nakikita mo, karamihan sa sinasabi ng mga tao ay may halong karumihan; lalo na kapag may kinalaman ang sarili nilang mga interes, mga pribadong usapin, pride, katayuan, o reputasyon, magsisinungaling ang mga tao. Halimbawa, ang ilang tao ay partikular na mapagpalayaw, madalas na tumatawa at nakikipagbiruan, napakapabaya sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, at hindi seryoso sa anumang ginagawa nila. Kapag wala ang lider, nakikipagkuwentuhan sila, umiinom ng tsaa, pumupunta sa banyo sa isang sandali, at naglalakad-lakad sa bakuran sa susunod, namumuhay ng isang partikular na maginhawang buhay. Kapag dumarating ang lider, nagmamadali silang magpakaabala sa gawain, nagpapanggap na partikular na responsable. Hindi ba’t ito ay pamemeke? Hindi ba’t ito ay pagpapanggap? (Oo.) May isa pang pagkukulang ang tiwaling sangkatauhan: Gusto nilang ilarawan ang kanilang sarili bilang partikular na marangal at dakila, bilang partikular na may kabatiran at mayaman, at bilang mga tao na may espesyal na katayuan at pinagmulan. Hindi nila kailanman binabanggit ang mga nakakasuklam o hangal na bagay na ginawa nila nang palihim, ang mga pagkakamaling nagawa nila, o ang mga pagkukulang at kapintasang mayroon sila—hindi sila kailanman nagbabanggit ng kahit katiting, o o nagbubunyag ng kaunti ng mga bagay na ito, labis na natatakot na matatalos ng iba ang totoo at mamaliitin sila. Hindi ba’t ito ay pamemeke? Hindi ba’t ito ay pagsisinungaling at panlilinlang? (Oo.) Sinasabi pa nga nilang kaya nilang gawin ang mga bagay na hindi naman nila kaya. Kung dati silang naglingkod bilang isang lider sa isang partikular na antas, gumawa ng ilang mahalagang gawain, o gumawa ng ilang kontribusyon, kailangan nila itong ipamalita nang malawakan, labis na natatakot na mamaliitin sila ng iba. Pagdating sa pagsasalita nang walang-ingat at pagyayabang, kaya nilang “gawin ang lahat,” pero hindi nila kailanman binabanggit ang sarili nilang mga pagkukulang o ang mga kapintasan ng kanilang pagkatao. Ang lahat ng tao ay umaasal at kumikilos sa ganitong paraan. Tinitingnan ng mga tao ang mga pagpapamalas na ito bilang isang karaniwang katangian ng sangkatauhan, at iniisip na ang pag-asal sa ganitong paraan ay napakanormal at napakakaraniwan at nabibilang sa normal na pagkatao, kaya, natural na inilalapat ng maraming tao ang pananaw na ito sa nagkatawang-taong Diyos, iniisip na, “Nagsisinungaling at nanlilinlang din ba ang nagkatawang-taong Diyos?” Halimbawa, kapag sinasabi Kong marunong Akong gumawa ng mga dumpling, hindi naniniwala ang ilang tao, sinasabi nila, “Hmph, bukod sa pagpapahayag ng katotohanan, marunong Ka ring magluto? Imposible iyan.” Iniisip nila, “Sino ba ang hindi pa kailanman nagsinungaling? Sino ba ang hindi pa kailanman nagmayabang?” Kabilang ang nagkatawang-taong Diyos sa “sino” na iyon. Tama ba sila sa pagsasabi nito? (Hindi.) Saan sila nagkamali? (Itinumbas nila ang nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan.) Dahil may kakayahang magsinungaling ang buong sangkatauhan, iniisip mo na kaya ring magsinungaling ang nagkatawang-taong Diyos, iniisip na ang nagkatawang-taong Diyos ay kapareho ng tiwaling sangkatauhan, at sinasabi pa nga sa iyong puso, “Hangga’t kayang ipahayag ng nagkatawang-taong Diyos ang katotohanan, sapat na iyon. Kahit na paminsan-minsan ay nagsisinungaling Ka, wala kaming pakialam; hindi nito naaapektuhan ang Iyong pagkakakilanlan bilang ang nagkatawang-taong Diyos.” Hindi ito usapin ng kung may pakialam ka o wala; kailangan mong pagbulayan kung tama ba ang mga kaisipan mong ito tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Bagama’t sa teorya ay alam mong mali ito at hindi ka dapat mag-isip nang ganito, kailangan mong pagbulayan kung bakit nagagawa mong mag-isip nang ganito. Ito ay dahil masyado kang mapanlinlang at hindi ka matapat, kaya iniisip mo na kayang magsinungaling at umarte ng lahat ng tao, at na hindi naiiba ang nagkatawang-taong Diyos. Hindi ba’t nagkakamali ka sa pag-iisip nang ganito? Bagama’t hindi malaking isyu ang paggawa ng pagkakamaling ito at hindi nito naaapektuhan ang pagkakamit mo ng katotohanan, kailangan talaga nating maging metikuloso tungkol sa usaping ito at ipaliwanag ito nang malinaw. Kung tinatrato mo ang mga ordinaryong salitang sinasabi ng nagkatawang-taong Diyos nang may gayong nagdududa at hindi naniniwalang saloobin, paano mo ito tatratuhin kapag nakikipagbahaginan Siya tungkol sa katotohanan, nagpapahayag ng katotohanan, at nagpapahayag ng mga layunin ng Diyos, at kapag hinahatulan, inilalantad, kinokondena, at pinupungusan ka Niya? Babaguhin mo ba ang iyong saloobin? Hindi; tatratuhin mo ito nang may parehong saloobin, iniisip na ang mga salitang sinasabi ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi tiyak na pawang tama. Sa teorya, kinikilala mo na tama ang Kanyang sinasabi at na ang lahat ng ito ay ang katotohanan, pero kapag gumagawa ka ng mga bagay na lumalabag sa mga prinsipyo at pinupungusan at inilalantad ka Niya, iniisip mo sa iyong puso, “Sa usaping ito, hindi ang katotohanan ang mga salita ng Diyos, dahil hindi ganoon ang iniisip ko tungkol dito. Mayroon akong napakagandang palusot at dahilan para dito, kaya maaari kong piliing hindi ito tanggapin. Maaari ko Siyang tanggihan at salungatin nang may saloobin ng pagbabalewala rito, pag-iwas sa paksa, at hindi pagtanggap dito, at tratuhin ang nagkatawang-taong Diyos nang may parehong saloobin na ginagamit ko kapag nangangatwiran Ako sa isang tao.” Kung tinatrato mo ang nagkatawang-taong Diyos nang may gayong saloobin, ano ang diwa ng problema? Ang saloobin mo ba sa nagkatawang-taong Diyos ay mapaghimagsik o wasto? (Ito ay mapaghimagsik, hindi wasto.) Kung iniisip mo na ang nagkatawang-taong Diyos ay kayang manlinlang, magsinungaling, magmayabang, magsalita ng matatayog pakinggan na salita, at sumigaw ng mga islogan, kapag pinungusan at inilantad ka Niya, iisipin mo na mayroon kang dahilan para hindi ito tanggapin at para tanggihan ito: “Sadyang hindi ko ito tatanggapin, at sasalungatin ko Siya. Hindi ba’t isa lang Siyang ordinaryong tao? Bakit ko tatanggapin ang sinasabi Niya? Tatanggapkaayin ko ang sinasabi Niya kung tama ito, at hindi ko tatanggapin ang sa tingin ko ay mali; tatanggapin ko ito kung masaya ako, at hindi ko ito tatanggapin kung hindi ako masaya; tatanggapin ko ito kung ang sinasabi Niya ay katugma ng mga interes, panlasa, at lagay ng loob ko, at hindi ko ito tatanggapin kung hindi ito katugma ng mga interes at lagay ng loob ko. Hindi ba’t ganap na likas at may katwiran ito? Napakawasto nito, karapatan ko ito, at wala akong nararamdamang kahit katiting na pag-aakusa sa aking puso.” Kung ito ang saloobin mo sa Diyos, ang ugnayan mo ba sa Diyos ay tunay na ugnayan sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha? Ito ba ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos? (Hindi.) Batay sa iyong saloobin o mga pagpapamalas, ang ugnayan sa pagitan mo at ng nagkatawang-taong Diyos ay ugnayan lang sa pagitan ng isang ordinaryong tao at ng isang ordinaryong tiwaling tao; nananatili lang ito sa antas ng isang ugnayan sa pagitan ng mga tao. Hindi ba’t may problema rito? (Mayroon.) Samakatwid, dapat mo munang tiyakin na dahil hinihingi ng nagkatawang-taong Diyos sa sangkatauhan na maging matatapat na tao, Siya Mismo ay matapat muna. Ang Kanyang pagkatao ay nagtataglay ng diwa ng pagkamatapat; walang duda rito. Dapat mong kilalanin ang puntong ito, at dapat mo rin itong tanggapin mula sa iyong puso. Hindi mo lang ito dapat kilalanin sa iyong puso, kundi dapat ka ring magkaroon ng gayong saloobin ng pagtanggap sa tunay na buhay. Ang tiwaling sangkatauhan ay kayang magsinungaling at mameke sa anumang sitwasyon, at kahit sino ay kayang magpanggap, magsalita nang walang-ingat, at magmayabang. Ang dahilan kung bakit nagagawa ito ng tiwaling sangkatauhan ay dahil ang tiwaling disposisyon ni Satanas ay naging buhay at kalikasan na ng tao, kaya naman mayroon sila ng mga natural na pagpapamalas na ito. Gayumpaman, ang nagkatawang-taong Diyos ay may aspekto ng pagkamatapat sa Kanyang pagkatao. Dahil mismo dibino ang Kanyang buhay, ang elemento ng pagkamatapat ay lalo pang isang aspekto ng Kanyang diwa. Walang duda rito, at hindi dapat mag-alinlangan ang mga tao.
Minsan ay nakikipagkuwentuhan Ako sa isang tao, at sinabi niyang masakit ang tiyan niya, nakakuha siya ng maraming gamot mula sa ospital, at ilang taon na niya itong iniinom. Kalaunan ay medyo bumuti ang problema niya sa tiyan. Tinanong Ko siya, “Anong klaseng problema sa tiyan ang mayroon ka? Ito ba ay lamig sa tiyan, ulser sa tiyan, o labis na asido sa tiyan?” Nang marinig niyang humihingi Ako ng mga detalye, hindi niya Ako binigyan ng direktang sagot, kundi patuloy pa rin niyang sinasabi, “Masakit ang tiyan ko, at marami na akong ininom na gamot.” Bakit Ko ito itinanong sa kanya? Isa lang itong normal na pakikipagkuwentuhan, para malaman kung anong klaseng problema sa tiyan ang mayroon siya. Minsan ay sumasakit din ang tiyan Ko, kaya kung mayroon siyang ganitong klaseng problema, marahil ay makakapag-alok siya ng kaunting tulong. Ang pakikipagkuwentuhan ay hindi tulad ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan o pormal na paggawa ng gawain, kung saan may malilinaw na layon, mahihigpit na pamamaraan, at isang seryosong saloobin. Ang pakikipagkuwentuhan ay mas kaswal, nang walang anumang partikular na layon o pagpapakana na nasasangkot. Pero nang tanungin Ko siya kung ano ba talagang klaseng problema sa tiyan ang mayroon siya, hindi niya Ako sinagot nang diretso. Nagsisinungaling ba siya? Nagsasabi ba siya ng totoo? (Hindi.) Kung gayon, bakit hindi niya sinabi ang totoo? Dahil gusto niyang itago ang isyu, at ang dahilan niya sa pagtatago nito ay dahil nag-aalala siya kung paano Ko siya tatratuhin pagkatapos Kong malaman ang tungkol sa sakit niya. Nag-aalala man siya na mamaliitin Ko siya, o na tatanggalin Ko siya o babaguhin ang pagkakatalaga ng tungkulin niya, na makakaapekto sa kaligtasan niya, sa madaling salita, nag-aalala siya, kaya gusto niya itong itago. Sabihin mo sa Akin, mayroon bang anumang pangangailangan para dito? Hindi ba’t napakahangal niya sa paggawa nito? (Oo.) Kung gayon, anong klaseng disposisyon ang inihahayag ng gayong mga tao? (Isang buktot na disposisyon.) Nasaan ang kabuktutan? (Bumubuo sila ng haka-haka tungkol sa Diyos, patuloy na bumubuo ng mga imahinasyon sa kanilang puso, tinatrato ang kanilang mga imahinasyon bilang mga katunayan, bumubuo ng haka-haka tungkol sa layunin sa likod ng mga salita ng Diyos, at nagbabantay laban sa Diyos sa lahat ng aspekto tulad ng pagbabantay nila laban sa mga tao.) Kung ang pinatutungkulan ng iyong mga haka-haka at pagiging mapagbantay ay isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan, medyo kinakailangan ito, dahil masyadong komplikado ang lipunan ngayon, komplikado ang mga tao, at masama ang mga puso ng tao. Hindi mo alam kung sino ang maaaring kumilos nang mapaminsala kapag nakatalikod ka pagkatapos nilang malaman ang aktuwal mong sitwasyon, kaya ayaw mong malaman ng mga tagalabas ang masyadong marami tungkol sa aktuwal mong sitwasyon; kauna-unawa ito. Kailangan mong maging mapagbantay at maingat sa lahat ng aspekto kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga tao, at hindi mo maaaring sabihin sa mga tagalabas ang anuman tungkol sa aktuwal mong sitwasyon. Isa itong pilosopikal na taktika o isang prinsipyo para sa mga makamundong pakikitungo kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao. Pero saan nila inilapat ang prinsipyo at taktikang ito? Inilapat nila ito sa pakikipag-ugnayan sa Akin. Hindi Ko pa sila nakasalamuha noon, pero mula lang sa isang pakikipagkuwentuhang iyon, ganap Kong nakilala ang taong ito: Masyado siyang maraming sinasabing kasinungalingan. Sabihin mo sa Akin, Ako ba ay isang tao na magpapahamak sa iyo o mananakit sa iyo? Ako ba ay isang tao na kailangan mong bantayan? (Hindi.) Kung kahit Ako ay isang tao na binabantayan mo, kung gayon, anong kabuluhan o halaga ang mayroon sa iyong pananampalataya sa Diyos? Ang hindi paglalakas-loob na sabihin ang totoo tungkol sa kahit na gayon kaliit na usapin, ang kawalan kahit ng tapang na sabihin ang totoo—anong klaseng tao ang itatawag mo roon? Hindi ba’t napakamapanlinlang ng gayong tao? (Oo.) Hindi ba’t ganap na hindi kinakailangan na ilapat sa Akin ang mga pamamaraan para sa mga makamundong pakikitungo at mga prinsipyo para sa pagtrato sa mga walang pananampalataya? Gusto Ko ba talagang malaman ang tungkol sa iyo? Hindi ba’t pakikipagkuwentuhan lang ito? Kahit pa gusto Kong malaman ang tungkol sa iyo, hindi kita ipapahamak o sasaktan, ni hindi Ko ito gagawing isyu kapag nakatalikod ka. Kaya, para sa bawat isa sa inyo, minsan ay nakikipagkuwentuhan Ako sa inyo, nagtatanong kung kumusta ang buhay kung nasaan kayo, kung ano ang klima, kung angkop ba ang kapaligiran para sa paggampan ng inyong tungkulin ngayon, kung nagkaroon ba kayo ng anumang mga paghihirap sa paggampan ng inyong tungkulin kamakailan. O, para sa ilan na kararating lang mula sa mainland China, tinatanong Ko sila kung ano ang kapaligiran doon at kung paano nakakaraos ang karamihan sa mga tao sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Isa lang itong normal na pakikipagkuwentuhan. Sa isang banda, nagmumula ito sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao; sa kabilang banda, dahil nananampalataya ka sa Diyos, ang mga bagay na pinagkukuwentuhan natin ay pawang mga usapin tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at hindi tayo nagkukuwentuhan tungkol sa mga paksa ng mundong walang pananampalataya tulad ng mga artista, mga sikat na tao, mga kalakaran sa lipunan, o politika. Kung kailangan ninyong maging mapagbantay kahit sa normal na pakikipagkuwentuhan, hindi na Ako makikipagkuwentuhan sa inyo. Palaging iniisip ng ilang tao, “Mayroon Ka bang partikular na layunin sa pakikipagkuwentuhan sa amin? Palagi Kang nagtatanong sa amin ng ilang katanungan kapag nakikipag-ugnayan Ka sa amin; may gusto Ka bang malaman? Hinding-hindi ko maaaring sabihin sa Iyo ang tunay na sitwasyon.” Kung ganito ka mag-isip, dapat mong sabihin nang maaga, “Huwag Kang makipagkuwentuhan sa amin. Natatakot ako na may malaman Kang impormasyon. Ayaw kong sabihin sa Iyo, kaya huwag Ka nang magtanong!” Sa sandaling marinig Ko na ayaw mong makipagkuwentuhan, ititigil Ko na ito. Sa tingin mo ba ay kailangan Kong makipagkuwentuhan sa iyo? Karamihan sa mga tao ay walang normal na pagkatao, at ayaw Kong makipagkuwentuhan sa gayong mga tao.
Kakatapos lang nating magbahaginan tungkol sa kung paanong hindi nanlilinlang ang nagkatawang-taong Diyos. Ang pahayag na ito ay hindi nananatili sa antas ng isang teorya, ni hindi ito isang mekanikal na kasabihan. Una sa lahat, ang hindi panlilinlang ay isang aspekto ng pagsasabuhay at paghahayag ng diwa na taglay ng nagkatawang-taong Diyos, na may pagkakakilanlan ng Diyos. Hindi ito isang teorya, lalong hindi isang islogan, kundi isang tunay na pagsasabuhay, isang praktikal na pagsasabuhay. Maging sa pang-araw-araw na buhay o kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan at nagtatalakay ng gawain, ang mga salitang sinasabi Ko ay ganap na walang panlilinlang, ganap na walang mga kasinungalingan; lalong hindi Ako mag-iimbento ng mga bagay-bagay. Halimbawa, kapag nakikipagbahaginan Ako tungkol sa isang paksa at hindi Ko maalala ang isang salita, magtatanong Ako kung natatandaan ninyo ang salitang ito. Minsan ay natatandaan ninyo ito, at minsan ay hindi ninyo ito natatandaan, kaya gagamit Ako ng ibang salita para ipahayag ito, o sasabihin Kong hindi Ko rin ito maalala. Sa isang banda, mayroon Akong matapat na saloobin at hindi Ako nag-iimbento ng mga bagay-bagay; kung nakalimutan Ko na, sinasabi Kong nakalimutan Ko na, at kung hindi Ko maalala, sinasabi Kong hindi Ko maalala. Sa kabilang banda, minsan ay hindi Ko mahanap ang tamang salita o nawawala ang daloy ng Aking pag-iisip, at sa gayong kaso ay hindi Ako magkukunwaring uubo, o magsasabing, “Tumutunog ang doorbell; bubuksan Ko ang pinto,” o “Tumutunog ang telepono; sasagutin Ko ito.” Hindi Ako magkukunwari. Kung paano Ako kapag nakikipag-ugnayan sa inyo at nakikipagbahaginan tungkol sa gawain nang harap-harapan ay ganoon din Ako sa Aking pang-araw-araw na buhay kapag hindi ninyo Ako nakikita. Sadyang ganitong klase Ako ng tao; pareho Ako sa harapan ninyo at kapag nakatalikod kayo. Kung gusto Kong kumain ng isang bagay, sinasabi Kong gusto Ko itong kainin; hindi Ako nagsisinungaling. Halimbawa, sinasabi Ko, “Gusto Kong kumain ng tokwa na may halong sibuyas na mura, at ginayat na patatas na may suka.” Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako naniniwala. Ano pa ba ang posibleng kulang sa Iyo ngayon? Malamang ay kumakain Ka ng braised pork at mga dumpling araw-araw!” Sinasabi Ko, “Bagama’t masarap ang braised pork, talagang ayaw Kong kumain ng mga bagay na masyadong mamantika. Para sa almusal, kumakain lang Ako ng isang mangkok ng lugaw at ilang side dish; ganoon lang iyon kasimple.” Ang mga ito ay pawang mga aktuwal na katunayan; wala ni isang pangungusap ang kasinungalingan. Ang mga salitang sinasabi Ko sa inyo, ang mga halimbawang ibinibigay Ko, o ang mga bagay na ito mula sa tunay na buhay na binabanggit Ko—tinitingnan man ninyo ang mga ito bilang tulad ng sa ordinaryong tao, karaniwan at normal, o bilang medyo magaspang—ano’t anuman, ang sinasabi Ko ay pawang matapat na katotohanan, pawang batay sa mga katunayan. Hindi ito para ipakita sa inyo, “Tingnan ninyo kung gaano Ako kaordinaryo, kung gaano Ako nakikibagay sa buhay ng tao, kung gaano Ako kasimple at kapayak.” Talagang wala Akong ganitong mga kaisipan. Minsan, para makipagbahaginan tungkol sa isang aspekto ng katotohanan, nagbabanggit Ako ng ilang maliit na bagay sa buhay, at iniisip ng ilang tao na ito ay pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos. Sa totoo lang, hindi talaga iyan ang ibig Kong sabihin. Kapag binabanggit Ko ang mga bagay na iyon, sinasabi Ko lang kung ano ang totoo; hindi Ako nagsasabi ng anumang bagay na matayog at dakila. Ang layunin ay para bigyang-daan ang mga tao na mas maunawaan ang katotohanan, at wala Akong ibang mga layunin. Sa Aking pananalita at mga kilos, hinding-hindi Ako gagawa ng mga bagay tulad ng sadyang pagbaluktot sa katunayan, paggawang halimbawa sa isang tao para takutin ang iba, o matinding pagpaparusa sa mga tao bilang babala sa iba. Noon, kapag pumupunta kami sa mga lugar kung saan nakatira ang mga kapatid, nagpapakaabala sila sa paggawa ng mga dumpling, paggisa ng karne, at pagluluto ng mga ulam. Sa totoo lang, hindi na kailangang patuluyin kami nang ganito. Sinasabi Kong hindi Ako karaniwang ganito kapihikan sa Aking mga pagkain; partikular na simple ang Aking mga pagkain, at wala Akong pakialam sa pagpaparangya. Hindi kailanman naniniwala ang ilang tao sa sinasabi Ko; palagi nilang iniisip na nagsisinungaling Ako. Anuman ang sabihin Ko, hindi sila naniniwala rito. Malaking perwisyo ang gayong mga tao; ganap silang hindi makatwiran. Hindi sa hindi Ako mapagkakatiwalaan, o na ang mga salitang sinasabi Ko ay naglalaman ng mga kasinungalingan, kundi masyado kang buktot. Anuman ang sabihin Ko, hindi mo ito kayang tanggapin sa tamang paraan; pinanghahawakan mo ang isang nagdududang saloobin sa anumang sinasabi Ko, at pinag-iisipan mo pa nga ito sa baluktot na paraan, itinuturing na panlilinlang ang lahat ng ito, at nagiging mapagbantay ka pa nga. Hindi ka kailanman naniniwala na ang mga salitang sinasabi Ko ay pawang matapat na katotohanan. Anong klaseng problema ito? Kaya mong paniwalaan ang mga salita ng mga diyablo at mga Satanas, kaya bakit hindi mo kayang paniwalaan ang Aking mga salita? Kung gayon, makakamit mo pa ba ang katotohanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan? Tiyak na hindi mga hungkag na salita ang katotohanan, kundi ang buhay realidad na isinasabuhay ng mga tao. Ang mga salitang sinasabi Ko sa inyo ay pawang mga praktikal na salita. Kung hindi kayo naniniwala sa mga ito, paano kayo mananampalataya sa Diyos? Ang mga salita ng Diyos ay pawang matapat at totoo; hindi Siya kailanman nagsisinungaling, namemeke, nagpapanggap, o nagkukunwari bilang isang bagay na hindi naman Siya. Kung mauunawaan ninyo ang mga anyong ito ng pag-uugali, magkakaroon kayo ng pagkaunawa sa Diyos, at sa gayon lamang ninyo, sa pamamagitan ng nagkatawang-taong Diyos, unti-unting matatanto at makikilala na ang Diyos ay praktikal sa Kanyang mga kilos at pananalita at tunay na maaarok ang mga salitang Kanyang sinasabi at ang mga katotohanang Kanyang ibinabahagi. Natapos na nating pagbahaginan ang aspekto ng hindi panlilinlang.
Ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa aspekto ng hindi pakikipagtunggali. Ano ang ibig sabihin ng hindi pakikipagtunggali? Nangangahulugan ito ng hindi pakikipagtalo, hindi pakikipag-agawan para sa katayuan, hindi pagiging mapagkompetensiya, at hindi pakikipagtalo sa iyo tungkol sa ilang pahayag o kung ano pa man. Kung kinikilala mo ang sinasabi Ko sa iyo, tinatanggap mo ito; kung hindi mo ito kinikilala, hindi kita pipilitin. Kung baluktot ang pag-arok mo, ilalantad at itatama kita. Kung kaya mo itong maarok nang dalisay, iyon ang pinakamabuti; kung hindi mo ito maarok nang dalisay, hindi Ko ipipilit na tanggapin mo ito. Maaari mo na lang hayaang mangyari ang mga bagay-bagay nang natural at unti-unti itong malaman. Dagdag pa rito, maging sa mga pakikisalamuha o pag-uusap ng mga tao, kapag nagsasalita, palaging nakikipag-agawan ang mga tao para sa reputasyon, nakikipag-agawan para sa superyoridad, nakikipag-agawan para magpakitang-gilas, at nakikipag-agawan para sa mataas na pagtingin ng iba. Madalas ding kumilos nang ganito ang mga tao kapag nakakasalamuha nila ang nagkatawang-taong Diyos. Hindi ninyo dapat tratuhin ang nagkatawang-taong Diyos gamit ang mga pananaw na ginagamit ninyo sa pagtrato sa sangkatauhan, itinuturing ang nagkatawang-taong Diyos na kapareho ng tiwaling sangkatauhan. Nakikita mo, kapag nakikipag-usap Ako sa inyo, sinusubukan Kong panatilihing parang nagkukuwentuhan lang tayo para tulutan kayong lahat na malayang pag-usapan kung ano ang nasa inyong puso, at pagkuwentuhan kung ano ang inyong alam at nauunawaan. Maaaring ang sinasabi mo ay hindi umaayon sa mga katunayan o hindi masyadong obhetibo, pero binibigyan pa rin kita ng pagkakataong magsalita. Ang karaniwan nating pagkukuwentuhan ay hindi isang pormal na pagtitipon; may karapatang magsalita ang lahat. Hindi Ko kayo pipiliting lahat na makinig lang sa Akin, kundi sa halip ay susubukan Kong hayaang magsalita ang lahat. Minsan, sa pamamagitan ng kaswal na pakikipagkuwentuhan, natutuklasan ang ilang problema sa gawain, kaya agad nating nilulutas ang mga problema. Kung walang mga problema, maaaring buksan ng lahat ang kanilang puso at magkuwentuhan sila, maging palagay, at ituring na lang ito bilang libangan. Sa anumang okasyon Ako naroroon o sinumang grupo ng mga tao ang kasama Ko, hindi Ko sasabihin, “Walang boses ng sinuman ang pinapayagang maging mas malakas kaysa sa Akin. Dapat ay nakahihigit Ako sa inyong lahat. Lalo na kapag nagtatalakay ng isang isyu, Ako dapat ang may pinakamaraming sinasabi, at ang Aking mga kabatiran ang dapat na pinakamalalim. Walang ibang makahihigit sa Akin. Kung hihigitan mo Ako, makikipagtunggali Ako sa iyo para sa superyoridad.” Hindi Ko ito gagawin. Bagama’t dapat Akong magsalita anuman ang okasyon, hindi pa rin Ako masyadong mahilig magsalita nang marami; gusto Kong hayaang magsalita ang lahat. Minsan ay tinatanong Ko ang lahat, “May pinag-aaralan ba kayong mga sayaw kamakailan? Anong mga sayaw ang pinag-aralan ninyo?” Kung may magsabi ng mali, o ang sinasabi nila ay hindi obhetibo o tumpak, hindi na kailangang makipagtalo. Sinasabi ng ilang tao, “Paano kung alipustahin Ka ng isang tao?” Ano ang ibig sabihin ng alipustahin Ako? Wala pa talaga Akong nakakasalamuhang sinuman na hayagang humuhusga sa Akin, nagsusumpa sa Akin, o kumokontra sa Akin. Kung talagang mayroong gayong tao, kailangan Ko siyang tanungin, “Bakit mo ito ginagawa? Katugma ba ng mga katunayan ang sinasabi mo?” Kung tama ang sinabi niya, hihingi Ako ng paumanhin sa kanya. Kung mali siya, kailangan Kong makipagbahaginan sa kanya tungkol sa katotohanan, para makilala niya ang sarili niyang problema, at sapat na iyon. Hindi Ako makikipagtunggali sa kanya para sa superyoridad, iginigiit na magpaubaya siya sa Akin at kilalanin niya na Ako ang nasusunod. Kaya, minsan kapag nagkukuwentuhan ang lahat, palakas nang palakas ang boses ng ilang tao, at nagiging medyo mainit ang talakayan; matiyaga lang Akong nakikinig sa pagsasalita nila. Naiiba ang tiwaling sangkatauhan. Nakikita mo, kapag nag-uusap ang ilang tao, humahantong sila sa pagtatalo. Sa kaibuturan, minamaliit nila ang isa’t isa, at walang-katapusan silang nagtatalo, iginigiit na makipagtunggali kung sino ang tama at kung sino ang mali, hinihiling sa lahat na humusga, at hindi tinutulutan ang sinuman na mang-alipusta sa kanila. Minsan, kapag nakikipag-usap sa Akin ang ilang tao, sumasabat sila, nangunguna, o nagbibigay ng ilang komento na walang sapat na kaalaman, at inaalipusta pa nga Ako. Pakiramdam Ko ay hindi ito malaking usapin; hindi nila ito sinasadya. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, kaya napakanormal na magkaroon ng ganitong uri ng pag-uugali. Mayroon pa ngang mga tao, kapag nangangasiwa ng mga usapin kasama Ko, na direktang nagpapasya nang hindi naghihintay na magsalita Ako. Iniisip Ko, “Direkta kang nagpasya nang hindi tinatalakay ang usaping ito sa lahat, pero makatwiran ang paraan mo ng pangangasiwa rito, kaya ayos lang.” Pagkatapos ay wala na akong sinasabi. Hindi Ako nakikipagtalo sa iyo; kaya Ko itong gawin, at talagang ginagawa Ko ito. Kung tatanungin Ako ng mga lider at manggagawa tungkol sa iba’t ibang aytem ng propesyonal na gawain sa iglesia, nakikipagbahaginan Ako at nagbibigay ng mga payo batay sa anumang pumasok sa isip Ko sa panahong iyon, at pagkatapos ay pumupunta ang mga lider at manggagawa sa iglesia para iparating at ipatupad ito. Kalaunan, kapag pumupunta Ako sa iglesia at nakikita Ko ang ilang tao, nakikinig lang Ako sa tabi kapag nagbabahaginan sila tungkol sa gawain. Sa totoo lang, alam Ko ang lahat ng bagay na ito, pero iniisip ng ilang tao na hindi. Iniisip nila, “Usapin naming mga tao ito; wala itong kinalaman sa Iyo. Isa Kang tagamasid, kaya dapat makinig Ka lang sa aming pagsasalita.” Sa sitwasyong iyon, hindi Ako masyadong nagsasalita; hindi Ako nakikipagtalo sa mga tao. Pero hindi ito kayang gawin ng tiwaling sangkatauhan. Ang sinumang may kaunting katayuan o may ilang responsabilidad ay gustong siya ang masusunod sa gitna ng mga tao, para protektahan ang kanyang katayuan, at para protektahan ang kanyang opisyal na posisyon. Kung hindi siya sineseryoso ng isang tao, nakakaramdam siya ng labis na pagkayamot, pakiramdam niya ay labis na hinahamon ang kanyang dignidad, pride, at karakter. Wala Akong nararamdaman tungkol sa ganitong uri ng bagay; sa Aking puso at isipan, hindi Ako interesado sa mga bagay tulad ng katayuan, reputasyon, at prestihiyo sa gitna ng mga tao. Kung saanman Ako magpunta, palaging may mga taong sumusunod sa likuran Ko, palaging pumapalibot at nagkukumpulan sa paligid Ko na para bang Ako ang sentro ng atensyon, o kung palagi Akong tinatawag ng mga tao gamit ang magagalang na termino, nagiging napakagalang sa Akin, pinupuri Ako, at tinatrato Ako na parang isang pambihirang tao o isang elder na may katayuan, talagang nakakaramdam Ako ng pagkaasiwa. Kung nakikitungo ka sa Akin nang pantay at mahinahong nakikipagkuwentuhan, lubha Akong napapalagay; kung umaasal kang parang alipin at partikular na hindi natural sa harap Ko, talagang nakakaramdam Ako ng labis na pagkaasiwa. Pero halos isandaang porsiyento ng tiwaling sangkatauhan ang hindi kayang makalampas sa balakid ng katayuan, reputasyon, at pride; hinahangad at tinatamasa nilang lahat ang mga bagay na ito.
Noong nakikipagkuwentuhan Ako sa isang tao, may binanggit siya, at kasunod ng kanyang paksa, may binanggit din Ako. Naisip niya na gusto Kong makipagtunggali sa kanya para sa superyoridad, kaya agad siyang nagbanggit ng dalawa pang bagay para makita kung makakapagbanggit Ako ng dalawa pa. Sinabi Ko na ang pakikipagkuwentuhan ay hindi kasingseryoso at kasinghigpit ng paggawa; kaswal lang ito. Hangga’t masaya ang lahat, ayos lang ito; walang masyadong pasikot-sikot na nasasangkot. Isa Akong simpleng tao. Anuman ang sabihin ng isang tao, tumutugon lang Ako at nakikipagkuwentuhan nang kaunti tungkol doon, pero humantong ito sa pagdudulot ng problema. Ano ang ibig niyang sabihin? Anumang paksa ang talakayin niya, hindi Ko na ito maaaring talakayin. Kung patuloy Akong magsasalita, hindi siya magmumukhang superyor at magrereklamo siya sa kanyang puso, “Bakit wala Kang kaalam-alam? Bakit hindi Mo nauunawaan ang ibig kong sabihin? Sino Ka ba sa tingin Mo? Gusto Mo pa ngang makipag-ugnayan sa akin bilang kapantay ko!” Nang makitang hindi niya gustong makipagkuwentuhan sa ganitong paraan, naunawaan Ko na. Nakikipag-ugnayan Ako sa mga tao gamit ang mga pamamaraan ng normal na pagkatao. Kung hindi ito uubra, makatwiran Akong magpapaubaya; hindi Ako makikipagtalo sa mga tao. Imposibleng makasundo ang mga walang pananampalataya, at ang ilang tao sa iglesia ay hindi rin makatwiran. Kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila, pinipigilan sila ng kanilang pagpapahalaga sa pride na magsabi ng anuman nang diretsahan, pero mayroon silang mga tiwaling disposisyon sa loob, at makikipagtunggali pa rin sila sa iyo. Wala silang kakayahang pigilan ang sarili mula sa pakikipagtunggali. Bakit? Iyon ang kanilang buhay. Para sa mga usapin na walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, hindi na kailangang magsimula ng pagtatalo. Halimbawa, sinasabi ng mga taga-Silangan na ang pag-inom ng tsaa ay maganda sa kalusugan, habang sinasabi ng mga taga-Kanluran na ang pag-inom ng kape ay maganda sa kalusugan. Alin ba talaga ang maganda sa kalusugan? Hindi na kailangang pagtalunan ang gayong mga bagay. Ang usaping ito ay walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo; pumili ka lang batay sa sarili mong mga kagustuhan, mga kondisyon sa pamumuhay, at mga gawi sa pamumuhay. Kung may kakayahan kang uminom ng tsaa, uminom ka ng tsaa; kung wala kang kakayahan, uminom ka ng simpleng pinakuluang tubig. Anuman ang inumin mo, hindi nito naaapektuhan kung paano ka umaasal kahit kaunti. Minsan, magkaiba ang ating mga kaisipan at pananaw, gayunpaman ay hindi Ako nakikipagtalo sa iyo sa maliliit na detalye; sumusunod pa rin Ako sa Aking mga prinsipyo. Hindi Ako makikipagtalo sa iyo tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa mga prinsipyo. Hinding-hindi Ako makikipagtalo sa iyo hanggang sa mamula ang mukha Ko tungkol sa isang pahayag na sa anumang paraan ay walang kinalaman sa mga prinsipyo, o sa isang doktrina o teorya, para lang magmukha Akong isang tao na mahigpit na sumusunod sa mga prinsipyo. Hinding-hindi Ko gagawin iyon! Minsan, kapag nagtatanong sa Akin ang ilang tao, nakikipagbahaginan Ako sa kanila tungkol sa mga prinsipyo, at sa mga espesyal na sitwasyon, direkta Kong sinasabi sa kanila kung ano ang gagawin. Pagkatapos, nagmumungkahi sila ng ibang paraan ng paggawa nito at tinatanong nila Ako kung uubra iyon. Nang marinig na ang epekto ng iminungkahi nilang paraan ay halos kapareho ng sa Akin, sinasabi Ko, “Kung maginhawa para sa iyo na gawin ito at angkop ang mga lokal na kondisyon, maaari mo itong gawin ayon sa iyong ideya; hindi mo kailangang gawin ito ayon sa sinabi Ko.” Hinding-hindi Ko sasabihin, “Ang Aking salita ay batas; kung ano ang sinabi Ko, iyon ang masusunod, at dapat kayong makinig.” Ayos lang din kung hindi ka makikinig. Kung makatwiran ang sinasabi mo, hindi gaanong naiiba sa pamamaraang iminungkahi Ko, may parehong layon, at halos pareho ang epekto, maaari mong piliing hindi makinig sa Aking mungkahi. Hinding-hindi kita pipilitin.
Ilang taon na ang nakalipas, may ilang tao na nagtanghal ng isang sayaw para sa isang programa. Nang makitang may ilang problema sa ilan sa kanilang mga galaw, tinukoy Ko ang mga ito sa kanila. Ang ilan sa kanila ay hindi natuwa na marinig ito at hindi sila handang tanggapin ito. Hindi Ako nakipagtalo sa kanila; hiniling Ko lang sa kanila na panoorin itong mabuti nang ilang beses para makita kung may mga problema sa mga galaw na iyon. Sinabi Ko, “Kung hindi pa rin ninyo mapansin ang mga problemang binanggit Ko, bibigyan Ko kayo ng isa pang alternatibo. Subukan ninyo ang alternatibong ito at ikumpara ito sa nauna para makita kung alin ang mas mabuti.” Ang nangyari ay sinubukan nilang gawin ito ayon sa alternatibong iminungkahi Ko at naramdaman nilang talagang mas mabuti ang Aking alternatibo, at noon lang nila inamin na may ilang problema sa mga naunang galaw sa sayaw. Hindi nila ito matanto noong panahong iyon. Maaaring mas malinaw lang na nakikita ng mga tagamasid ang mga bagay-bagay kaysa sa mga kasangkot. Naging mahusay na sila sa mga galaw na iyon dahil palagi nila itong itinatanghal, kaya nang bigla nilang marinig na sinabi Kong hindi maganda ang ilang galaw, maaaring naramdaman nilang nasaktan ang kanilang pride at pansamantala nilang hindi ito matanggap. Sinasabi Kong normal lang sa mga kabataan na maging ganito. Ano ang layunin ng pagsasabi nito sa inyo? Gusto Ko lang sabihin sa inyo na, sa mga normal na sitwasyon, hinding-hindi Ako makikipagtalo sa inyo tungkol sa mga isyu na walang kinalaman sa mga prinsipyo. Kung may kinalaman ito sa isang usapin ng prinsipyo, tutukoy lang Ako ng isang solusyon para sa inyo. Hindi Ko sapilitang gagamitin ang katayuan para supilin kayo at pilitin kayong makinig sa Akin. Sa karamihan ng mga kaso, unti-unti Kong inaayos ang mga bagay-bagay, tinatalakay ang mga ito, at nilulutas ang mga ito. Kung hindi uubra ang lahat ng pamamaraang ito, marahil ay kailangang pungusan ang ilang tao. Siyempre, ang ilang tao ay pinupungusan hindi dahil inalipusta nila Ako, kundi dahil nilabag nila ang mga atas administratibo, nilabag ang mga prinsipyo, at nagdulot sila ng mga panggugulo sa gawain ng iglesia. Samakatwid, kapag nagkakamali o nagrerebelde ang sinumang tao at dinidisiplina o pinaparusahan siya, hindi ito dahil inalipusta niya ang pagkakakilanlan ng Diyos o ang katayuan ng Diyos, hindi dahil inalipusta niya ang Diyos, kundi dahil nilabag niya ang mga prinsipyo at nilabag ang mga atas administratibo. Tingnan mo ang buong mundo: Mayroon na bang sinuman na naparusahan o dumanas ng ganti dahil sa pag-alipusta sa Diyos? Wala. Masyadong maraming tao sa mundong ito ang hindi nananampalataya sa Diyos, nagsusumpa sa Diyos, nagsasalita ng mga walang katuturang salita, at nagsasalita ng mga mapangahas na salita. Kapag naparusahan sila sa huli, sino sa kanila ang napaparusahan dahil sa pag-alipusta sa Diyos? Wala sa kanila; ang lahat ng ito ay dahil nakagawa sila ng napakaraming kasamaan, at dapat silang parusahan batay sa masasamang gawang ito. Kapag nakakaharap ng mga usapin na maaaring magdulot ng mga pagtatalo, sinusubukan Kong talakayin ang mga bagay-bagay kasama mo, tinutulutan kang maunawaan kung ano ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa usapin. Kung mayroon kang mas magandang plano, siyempre maaari mo rin itong panindigan. Hindi Ako makikipagtunggali sa iyo para sa superyoridad, ni hindi Ko sasabihin, “Dahil nagsalita na Ako, dapat itong ipatupad ayon sa Aking plano. Kahit na maganda ang plano mo, hindi ito maaaring ipatupad. Ako dapat ang masusunod sa usaping ito!” Hindi Ko ito gagawin. Susubukan Kong kunin ang inyong mga opinyon at gamitin ang mga kalakasan ng lahat. Kung wala sa inyo ang may anumang mga opinyon o ideya, Ako ang masusunod—hindi na ito kailangang sabihin pa. Pero hinding-hindi Ako makikipagtunggali sa sinuman sa inyo tungkol sa pride, katayuan, o kung sino ang masusunod. Dahil nakipag-ugnayan at nakitungo na Ako sa inyo sa mga taon na ito, marahil ay naunawaan din ninyo ito: Maraming beses na Akong nagsabi ng mga bagay sa inyo, at pagkatapos Kong magsalita, mayroon kayong sariling mga ideya at hindi ninyo isinagawa o ipinatupad ang sinabi Ko. Pagkatapos ay susubukan Kong humanap ng paraan para ipaliwanag ito nang mas malinaw. Kung kaya ninyo itong tanggapin, mas mabuti iyon. Kung hindi ninyo ito tatanggapin at maaapektuhan nito ang gawain ng iglesia, may mga atas administratibo ang iglesia: Kung dapat kang tanggalin, tatanggalin ka; kung dapat kang pungusan, pupungusan ka; papangasiwaan ng iglesia kung paano ka dapat pangasiwaan. Pagdating sa usapin mismo, hinding-hindi Ako makikipagtalo sa iyo tungkol sa anumang bagay para mabawi ang Aking pride, o para protektahan ang Aking katayuan at prestihiyo. Nakatuon lang Ako sa malinaw na pagpapaliwanag sa buong kuwento ng usapin at sa mga prinsipyong dapat maunawaan ng mga tao. Matiyaga Kong ipinapaliwanag ang mga bagay-bagay nang paulit-ulit para mas maunawaan mo ang katotohanan at makapasok ka sa katotohanang realidad. Ang layunin ng pagbabahaginan tungkol sa nilalamang ito ay para bigyang-daan kayong mas maunawaan ang nagkatawang-taong Diyos. Bukod sa pagkakaroon ng pagkaunawa sa normal at praktikal na pagsasabuhay ng nagkatawang-taong Diyos sa panlabas, maaari din kayong magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa diwa, disposisyon, mga kaisipan, at mga pananaw ng nagkatawang-taong Diyos. Kakatapos lang nating magbahaginan tungkol sa paksa ng hindi pakikipagtunggali. Kapag nasasangkot ang katayuan at pride, ang prinsipyong sinusunod ng nagkatawang-taong Diyos ay ang hindi makipagtalo sa mga tao, at hindi makipagtunggali sa mga tao para sa katayuan, pride, o reputasyon. Ang pagkahilig na makipagtunggali sa iba tungkol sa mga bagay na ito ay mismong isang malinaw na pagpapamalas ng pagbubunyag ng tiwaling sangkatauhan ng mga tiwaling disposisyon. Samakatwid, ang hindi pakikipagtunggali ay kung saan din naiiba ang diwa ng pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos sa diwa ng sangkatauhan, at isa itong aspekto ng nilalaman na dapat maunawaan ng mga tao.
Ngayong natapos na tayong magbahagi tungkol sa aspekto ng hindi pakikipagtunggali, magbahagi naman tayo tungkol sa aspekto ng hindi pakikipag-away. Ang hindi pakikipag-away ay medyo katulad ng hindi pakikipagtunggali, pero mayroon ding ilang pagkakaiba. Bukod sa pagkakaroon ng mga pagpapamalas na iyon ng hindi pakikipagtunggali, ang nagkatawang-taong Diyos ay mayroon ding ilang praktikal na pagsasabuhay at pagpapamalas sa aspekto ng hindi pakikipag-away. Sa pamamagitan ng pagsasabuhay at mga pagpapamalas na ito, mas mauunawaan din ng mga tao ang isang aspekto ng pagkataong diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Ano ang karaniwang saklaw ng aspektong ito, ng hindi pakikipag-away? Saklaw pa rin nito ang pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa mga tao. Ang prinsipyo ng nagkatawang-taong Diyos para sa pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa mga tao ay ang tratuhin ang mga tao nang patas, gumawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at hindi gumamit ng mga pakulo o gumamit ng mga panlalansi sa mga tao sa Kanyang puso o nang palihim. Kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao at nagtatalakay ng ilang partikular na paksa, hinding-hindi Niya kailanman pag-iisipan sa Kanyang puso, “Ano ang ibig mong sabihin doon? Sinasadya mo ba Akong puntiryahin? Mayroon bang nakatagong kahulugan sa mga salita mo? Mayroon pa bang ibang nangyayari nang palihim? Kailangan Kong isipin kung paano makipag-usap sa iyo, kung paano ipakita sa iyo kung ano ang kaya Kong gawin, o kung paano makipag-away sa iyo.” Kapag nakikipag-ugnayan at nakikipag-usap Ako sa inyo, wala Akong ganitong mga kaisipan. Kahit na sadyang gustong makipag-away ng kabilang panig, hinding-hindi Ako makikipag-away sa kanila. Kahit na ang kabilang panig ay isang walang pananampalataya na gustong alamin ang tunay na sitwasyon o samantalahin ang isang bagay para gamitin laban sa Akin, gumagawa pa rin Ako ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Hindi Ako nakikipag-away sa kanila; ginagawa Ko kung ano ang dapat Kong gawin at sinasabi Ko kung ano ang dapat Kong sabihin. Kumikilos at nagsasalita Ako ayon sa Aking mga prinsipyo at Aking mga hangganan para sa pag-asal. Sa madaling salita, kahit sino pa iyan, hindi Ako nakikipag-away sa kanila. Halimbawa, tinatanong Ko ang isang tao, “Kumusta ang mga resulta ng pangangaral ng ebanghelyo ngayong buwan?” Iniisip nila, “Bakit bigla Niyang itinatanong ang tungkol sa sitwasyon ng pangangaral ng ebanghelyo ngayong buwan? Ano ang ibig sabihin nito? Mayroon bang nag-ulat ng ilang problema tungkol sa akin nang patalikod? Sinusubukan ba Niyang alamin ang totoo tungkol sa sitwasyon ko at tanggalin ako?” Bakit sila mag-iisip nang ganito? Mayroon ba Akong lihim na motibo sa pagtatanong nito? Mayroon bang nakatagong kahulugan? (Wala.) Gusto nilang makipag-away, kaya pakiramdam nila ay may nakatagong kahulugan ang Aking mga salita; o, dahil nakagawa sila ng ilang masamang bagay nang palihim at inuusig sila ng kanilang konsensiya, pakiramdam nila ay tiyak na mayroon Akong lihim na motibo sa pagsasalita. Sa totoo lang, kapag nagtatanong Ako kung kumusta ang pangangaral ng ebanghelyo ngayong buwan, ang ibig sabihin ng pangungusap ay kung ano mismo ang sinasabi nito sa panlabas; wala itong ibang kahulugan. Wala Akong layuning makipag-away, ni hindi Ko sinusubukang mahuli ka sa sarili mong bibig, pilitin kang aminin na hindi maganda ang mga resulta ngayong buwan, o papagtapatin ka tungkol sa kalagayan ng pangangaral ng ebanghelyo kamakailan, upang magamit Ko ito bilang palusot na samantalahin ang isang bagay para pungusan at tanggalin ka. Sa halip, sinusubukan Kong alamin, sa isang praktikal na paraan, ang tungkol sa sitwasyon ng gawain ng iglesia at tulungan kang lutasin ang mga problemang umiiral sa paggampan ng iyong tungkulin. Pero kung palagi mong gustong bigyan ng ibang kahulugan ang Aking mga salita, at palagi mong gustong makipag-away sa Akin, hindi na Ako magtatanong sa iyo. Puwede Akong magtanong sa ibang tao. Lalapit Ako sa sinumang maaari Kong mapagtanungan ng aktuwal na sitwasyon, sa sinumang kayang makipag-usap nang normal, magsalita tulad ng isang normal na tao, at magsabi ng totoo. Ginagawa mong isyu ang lahat ng bagay at masyado kang nakakaperwisyo. Masyado kang mapaghinala at masyadong komplikado ang isip mo, kaya hindi Ako makikipag-usap sa iyo. Ito ang Aking prinsipyo sa pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap sa mga tao. Masasabi ba ninyong simple ito? (Oo, simple ito.) Halimbawa, may isang taong nagmayabang sa Akin tungkol sa pagsakay niya sa isang marangyang cruise ship. Sinabi Ko, “Hindi pa talaga Ako nakakasakay sa isang marangyang cruise ship. Mayayaman kayong tao; marami na kayong nakita sa mundo.” Hindi ito mga salitang sinabi dahil sa galit, ni hindi sinabi ang mga ito dahil sa pagkamainitin ng ulo. Hindi pa Ako nakakasakay sa ganoon, kaya sinasabi Ko ang matapat na katotohanan; hindi Ako nagkukunwari. Kapag nakakatagpo Ako ng gayong tao, nagpapaubaya Ako at talagang hindi Ako nakikipag-away sa kanila. Palagi Akong kinakausap sa Ingles ng ilang Tsino, gumagamit ng ilang salitang hindi Ko pa naririnig noon. Nang makita nilang hindi Ko pa naririnig ang mga iyon, mas masigla pa silang nagpapakitang-gilas: “Sadyang magsasabi ako ng mga bagay na hindi Mo alam. Titiyakin kong hindi Mo ako mauunawaan, iinggitin at pagseselosin Kita, at gagalitin Kita!” Hindi ba’t pakikipag-away ito? (Oo.) Sinasabi Ko, “Hindi Ko pa narinig ang mga salitang ginamit mo. Medyo magaling ang Ingles mo.” May ilang tao na mahilig magpakitang-gilas at mangmaliit ng mga tao, palaging umaastang nakatataas, iniisip na espesyal sila, at pakiramdam nila ay may kakayahan sila at nakahihigit sa iba. Kapag nakakatagpo Ako ng gayong mga tao, kaya Ko rin silang tratuhin nang tama. Kung mahilig kang magpakitang-gilas, hahayaan kitang magpakitang-gilas nang lubusan. Hindi kita aabalahin, lalong hindi Ako makikipag-away sa iyo.
Makikita kahit saan ang mga taong mahilig makipag-away; saanman may mga grupo ng mga tao, mayroong mga mahilig makipag-away. Madalas silang nakikipagtunggali at nakikipag-away sa iba, at makikipag-away dahil sa isang salita, isang aytem, o isang usapin. Nakakita na Ako ng napakaraming taong ganito. Gayumpaman, Ako ay hindi nakikipag-away sa mga tao. Bakit hindi Ako nakikipag-away? Dahil sadyang hindi kailanman naging likas sa Akin ang pakikipag-away. Sa iglesia, marami ring tao na palaging gumagamit ng mga pakulo kapag nakikipag-ugnayan at nakikipag-usap sa Akin. Palagi silang naghahaka-haka, “Ano ang pinupunto Mo? Nalaman Mo ba ang tungkol sa ilang masamang pag-uugali ko habang nakatalikod ako? Tatanggalin Mo ba ako?” “Bakit Mo sinasabi ito? Nagpapahiwatig Ka ba ? Mayroon bang ilang nakatagong kahulugan sa sinasabi Mo? Sinusubukan Mo ba akong piliting gumawa ng isang bagay?” Halimbawa, may isang taong nakasuot ng T-shirt, at sinabi Ko, “Napakaganda ng kulay ng T-shirt mo. Presko ba iyan sa katawan? Gawa ba iyan sa cotton?” Hindi ba’t napakanormal at napaka-ordinaryo na sabihin ito? (Oo.) Pagkatapos ay inisip ng taong iyon, “Itinatanong Mo ba ito dahil gusto Mo rin ng ganitong T-shirt? Hindi ba’t ganito karaniwang humihingi ng mga bagay-bagay ang mga opisyal mula sa mga karaniwang tao? Hindi sila humihingi nang hayagan, kundi nagsasalita nang paligoy-ligoy, hinahayaan ang mga tao na makuha ang pahiwatig at kusang-loob na ihatid ang mga gamit sa kanilang pintuan. Sa ganoong paraan, kung mabanggit ito kalaunan, masasabi nilang hindi nila ito hiningi, at hindi ito pangingikil. Ito ba ang pinupunto ng Diyos? Kung iyon ang ibig Niyang sabihin, kailangan kong mabilis na bumili ng ilang T-shirt at ipadala ang mga ito.” Pagkatapos isipin ito, bumili siya ng ilang T-shirt at ipinadala ang mga ito sa Akin. Inisip niya na dahil sinabi Kong maganda ang T-shirt, gusto Ko rin ng ganoon. Sa totoo lang, talagang hindi Ko gusto ng ganoong T-shirt; nakikipagkuwentuhan lang Ako. Kung talagang gusto Ko ng ganoong T-shirt, sasabihin Ko lang ito nang direkta; hinding-hindi Ko kailanman papahuhulaan sa mga tao kung ano ang ibig Kong sabihin. Kaya hindi Ko nagawang tanggapin ang mga T-shirt, at mabilis Kong ipinabalik ang mga ito. Hindi Ako kinukulang ng mga damit na isusuot. Mayroon Akong sariling mga kagustuhan para sa isinusuot Ko, at walang ibang makakaalam nito. Malinaw ba iyon? (Oo.) Kapag nakikipag-usap Ako sa mga tao, kahit sa kaswal na pakikipagkuwentuhan, nagsasalita Ako nang napakapartikular at napakaseryoso. Kadalasan, bibigyan ng baluktot na kahulugan ng ilang tao na may komplikadong isip ang sinasabi Ko, at maghahaka-haka sila kung may nakatagong kahulugan ang Aking mga salita, nagiging palaaway. Hayaan ninyong linawin Ko ang isang bagay para sa inyo: Wala Akong anumang intensiyong makipag-away sa sinuman. Kung ano ang ipinapahiwatig Ko kapag nagsasalita Ako ay kung ano mismo ang literal na kahulugan ng Aking mga salita; talagang walang nakatagong kahulugan sa sinasabi Ko. Kaya, kapag nakikipagkuwentuhan ka sa Akin, anuman ang marinig mong sabihin Ko ay iyon mismo ang ibig sabihin nito. Huwag mo itong bigyan ng labis na kahulugan, huwag mo itong isipin nang labis, at huwag gumamit ng mga pakulo, lalong huwag gumamit ng anumang panlalansi para subukin Ako o maghaka-haka tungkol sa Akin. Ang mga salitang sinasabi Ko ang pinakasimple at pinakamalinaw; mauunawaan ng sinumang may kaunting normal na pag-iisip ang sinasabi Ko. Kung hindi ka makikipag-away, magiging madali para sa atin na magkasundo at mangasiwa ng mga usapin. Kapag tinatagubilinan Kong gumawa ka ng isang bagay, hindi Ko pinapalabo ang mga bagay-bagay; kailangan mo lang gawin kung ano mismo ang sinasabi Ko. Kung makikipag-away ka, maaantala lang nito ang mga bagay-bagay, at makakaramdam Ako ng pagkasuya sa iyo. Sasabihin Ko, “Mahilig kang makipag-away, mayroon kang masyadong komplikadong isip, at hindi ka prangka. Ayaw Kong makipag-ugnayan o makipag-usap sa mga taong tulad mo. Mas gugustuhin Ko pang makipaglaro sa Aking alagang aso kaysa makipagkuwentuhan o makipag-ugnayan sa iyo. Nakikipag-away ka sa taong ito at sa taong iyon buong araw; hindi iyan isang bagay na gusto Kong gawin. Likas sa Akin na magsabi ng totoo kapag nagsasalita at gumagawa Ako ng mga bagay-bagay; hindi Ako nakikipag-away sa mga tao.” Hinding-hindi ka dapat makipag-away. Kung palagi kang nakikipag-away, maiwawala mo ang iyong integridad, at mawawalan ka ng halaga sa Aking puso. Kapag tinatanong tungkol sa isang bagay, sabihin lang ang totoo. Sabihin ang anumang pumasok sa isip sa oras na iyon, at sabihin kung gaano man karami ang kaya mong matandaan. Huwag palaging pag-isipan kung bakit gusto Kong malaman ang tungkol sa isang bagay, kung ano ang magiging mga disbentaha kung sasabihin mo ang totoo tungkol dito, o kung maaapektuhan ba nito ang iyong katayuan o kung paano ka tinitingnan ng Itaas. Kung palagi mong pag-iisipan ang mga bagay na ito, masasadlak ka sa problema. Sinasabi Ko sa iyo, magsalita nang matapat, at huwag gumamit ng mga pakulo o gumamit ng mga panlalansi. Kahit na nakagawa ka ng isang maling bagay, dapat mong sabihin ang totoo at huwag itong itago. Kahit na hindi ka angkop para sa iyong mga tungkulin, tatanggalin ka lang ng sambahayan ng Diyos ayon sa mga prinsipyo, at hindi magkikimkim ng pagkamuhi sa iyo. Pero kung palagi mong itinatago ang tunay na sitwasyon at palagi kang gumagamit ng mga pakulo kapag nakikipag-usap sa Akin, kahit na hindi ka matanggal, masusuklam Ako sa iyo sa loob-loob Ko. Sa tuwing maiisip kita, makakaramdam Ako ng pagkasuklam, at hindi ito magdudulot sa Akin ng kagalakan kung kailangan Kong gamitin ka. Kaya, aling landas ang pipiliin ninyo? (Magsasalita kami nang totoo.) Tama iyan. Huwag kailanman gumamit ng mga pakulo. Kahit kailan, ang pagsasalita ng matatapat na salita, paggawa ng matatapat na bagay, at pagsasabi ng totoo ay dapat na maging hangganan para sa iyong sariling asal, at gayundin ang pinakapangunahing prinsipyo na dapat mong sundin sa pag-asal. Huwag palaging gumamit ng mga pakulo. Lalo na kapag nakikipag-usap o nangangasiwa ng mga usapin kasama Ko, hinding-hindi ka dapat gumamit ng mga pakulo. Huwag magpaligoy-ligoy o bitinin ang mga tao kapag nagsasalita, at huwag gumamit ng mga pakulo kapag nangangasiwa ng mga usapin. Kung susubukan mong maging tuso, iniisip mo, “Pangangasiwaan ko ang usaping ito sa harap Mo para makita Mo kung gaano ako kaabala, at kung gaano kasinsin at kahigpit ang pagkakaayos ng gawain ko, pero wala akong gagawin nang lingid sa Iyong kaalaman”—kung nagbubulay-bulay ka nang ganito, magkakaroon ka ng problema. Pinakikitunguhan kita nang naaayon sa panuntunan at pinangangasiwaan Ko ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Hindi Ako makikipag-away sa iyo; hindi Ako makikipag-away sa iyo gamit ang iyong mga pamamaraan o ang mga panlalansing ginagamit mo para makipag-away. May mga atas administratibo ang iglesia, at may mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos para sa pangangasiwa sa mga tao. Sa malao’t madali, pananagutin ka at pagbabayarin ng halaga para sa mga di-wastong pag-uugaling ito at maging sa masasamang gawa mo. Malinaw ba iyon? (Oo.)
Minsan ay pumupunta kami para bisitahin ang ilang Tsinong iglesia sa US. Sa sandaling dumating kami at makita namin ang mga kapatid, ipinapaalam ito ng ilang tao sa iba, sumisigaw sila, “Nandito ang Diyos! Nandito ang Brother!” Nagpapakatamad sila, pero pagkarinig nito, biglang nagbabago ang atmospera. Binubuksan ng ilan ang mga makina para magtabas ng damo, naglilinis ang ilan, at nagpapakaabala sila. Sinasabi Ko, “Bakit ka nagsimulang maglinis nang makita mo Akong dumarating? Ginagawa mo ba ito para lang magpakitang-tao sa Akin? Kumikilos ka ba nang may katwiran sa paggawa nito?” Maaaring gumamit ng mga pakulo ang mga tao sa ibang tao at subukang linlangin ang mga ito, at ginagawa rin nila ang gayon sa Diyos; ito ang kalikasan ng tao. Anong aspekto ng kalikasan ng tao ang ibinubunyag nito? Hindi ba’t may mababang karakter ang mga taong ganito? (Oo.) Masyadong mapanlinlang at labis na salanggapang ang mga tao. Nasanay na silang makipag-away sa mga tao, at gusto pa nga nilang makipag-away sa Diyos. Palagi kang mapagbantay laban sa Akin at palaging lumalaban sa iyong puso; anong klaseng tao ang tingin mo sa Akin? Sa totoo lang, wala Akong pagnanais na makita kung ano ang ginagawa mo kapag wala Ako. Nagbabahagi lang Ako tungkol sa katotohanan para akayin ka sa tamang landas sa buhay at para pakilusin ka ayon sa mga prinsipyo sa lahat ng bagay. Kung may kamalayan mong matatahak ang tamang landas, isa kang tao. Kung hindi mo tatahakin ang tamang landas, kundi gagawa ka ng maliliit na panlalansi nang lingid sa Aking kaalaman at makikipag-away sa Akin, hindi ka tao; isa kang diyablo, isang hayop. Kung ganoon, gaano man karami ang sabihin Ko, wala itong silbi; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad mo. Gusto mong makipag-away, pero talagang hindi Ako makikipag-away sa iyo; lalayo Ako sa iyo. Hindi lang sa susubukan Kong huwag pumunta sa mga lugar kung saan ka nakatira at nagtatrabaho, kundi dapat mo ring subukang huwag pumasok sa mga lugar kung saan Ako personal na nakatira at nagtatrabaho. Bakit? Dahil ayaw Kong makipag-away sa iyo. Gustong-gusto mong makipag-away; kung palagi kang malapit sa Akin, hindi ba’t makakaramdam Ako ng pagkahapo? Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi Ka nakikipag-away, bakit Ka nakakaramdam ng pagkahapo?” Kung palagi kang nakikipag-away sa Akin, palagi Kong kailangang makipagbahaginan sa iyo tungkol sa katotohanan. Kahit para sa isang maliit na usapin, kailangan Kong makipagbahaginan sa iyo nang matagal tungkol dito. Hindi mo ba naisip na makakaramdam Ako ng pagkahapo? Kung hindi Ko ipapaliwanag nang mabuti sa iyo ang mga bagay-bagay at hindi ipapaunawa sa iyo, palagi kang magkakaroon ng pakiramdam ng hinanakit sa iyong puso, palagi kang magiging negatibo, magkakaroon ng mga maling pagkaunawa, at magrereklamo, at mapupuno ang isip mo ng mga negatibong bagay. Ang kalikasang diwa ng tao ay kay Satanas, at ang disposisyon ni Satanas ay naging buhay na niya. Ang tiwaling sangkatauhan ay may tendensiyang makipag-away, at napakahirap para sa tao na pigilan ang sarili na makipag-away. Kaya, kapag hindi na kayo gumagamit ng mga pakulo kapag nakikipag-ugnayan at nakikipag-usap sa Akin, kapag kaya ninyong tratuhin nang seryoso ang anumang sinasabi Ko at dalisay na arukin ito, at kapag kaya nating maging bukas at matapat sa isa’t isa at pag-usapan ang anumang bagay, magkakaroon ng pagkakasundo sa pagitan natin. Kahit hindi nagsasalita, magiging magkaayon tayo sa espiritu, walang magiging mga hadlang o maling pagkaunawa sa pagitan natin, at magagawa nating ganap na taos-pusong makipag-usap. Pagkatapos ay magagawa nating mamuhay nang magkakasama at magkasundo-sundo. Sa ngayon, Ako lang ang hindi nakikipag-away sa inyo, pero hindi ninyo mapigilan ang inyong sarili na makipag-away. Samakatwid, kahit na hindi kayo hayagang tumindig para salungatin, tanggihan, husgahan, at kondenahin ang Aking mga salita, lalaban pa rin kayo sa inyong puso at palihim pa ring makikipag-away sa Akin. Pinatutunayan nito na hindi maaaring magkaroon ang tao ng tunay na pagpapasakop nang hindi nilulutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa karamihan ng mga usapin, hindi lang sa hindi ninyo kayang maging kaisa Ko, kundi wala rin kayo ng pinakapangunahing pagkakasundo sa Akin o pagkaunawa sa Akin; hindi ninyo ito kayang makamit kahit kaunti. Kaya, magiging napakahirap para sa atin na mamuhay nang magkasama sa paraang magiging masaya ang lahat at makakaramdam ng kagalakan. Kung kasama Ko kayo, palagi Kong gugustuhing akayin kayo sa tamang landas, para magkaroon kayo ng dalisay na pag-arok at makagawa ng mga tamang pagpili sa lahat ng usapin, para matahak ninyo ang tamang landas sa buhay man, sa pag-asal, o sa landas ng pananampalataya sa Diyos, at para magsalita man Ako o hindi, magkakaroon kayo ng pinakapangunahing tiwala sa Akin, pati na rin ng pagsunod at pagpapasakop sa Akin, sa inyong puso. Pero sa ngayon, hindi man lang makamit ng mga tao ang pinakapangunahing tiwala, pagsunod, at pagpapasakop na ito; masyadong komplikado ang isip ng mga tao. Kung medyo mabait Ako sa iyo, iisipin mong walang makakapantay sa iyo at na nakatataas ka sa lahat, at magiging palautos ka dahil sa ugnayan mo sa Akin at gagamitin mo ang Aking pangalan para maghari-harian. Kung tatratuhin kita nang normal o medyo malamig, mararamdaman mong wala Akong pagmamahal. Kung medyo mahigpit Ako sa iyo o palagi kitang pinupungusan at sinesermunan, makakaramdam ka ng pagkaagrabyado at hindi makatarungang pagtrato, iniisip na wala Akong pagmamahal o pagpaparaya para sa iyo. Anuman ang gawin Ko, magkakaroon kayo ng sarili ninyong mga opinyon tungkol dito, dahil masyadong malubha ang inyong mga problema at masyadong komplikado ang inyong mga isip. Samakatwid, kahit na mamuhay Akong kasama ninyo, patuloy na lilitaw ang mga problema habang nag-uusap at nag-uugnayan tayo. Sa huli, ang mga problemang ito ay patuloy na hahantong sa alitan, at sa sandaling tumindi ang alitan, magiging mahirap sabihin kung magagawa ninyong patuloy na tahakin ang landas na ito ng pananampalataya sa Diyos. Inisip ninyong mayroon kayong malaking pananalig? Masyadong mababa ang inyong tayog! Kahit ngayon na nagkatawang-tao na Ako bilang isang napakaordinaryong tao, at nakipag-usap sa inyo at gumawa sa inyo nang napakahabang panahon, ang pakikipag-ugnayan sa inyo ay nagdudulot ng malalaking paghihirap. Ano ang ugat ng mga paghihirap na ito? (Masyado kaming mapanlinlang at may tendensiyang makipag-away.) Hindi dalisay ang isip ng mga tao, at hindi matapat ang mga tao; puno sila ng mga tiwaling disposisyon. Kung, kapag natuklasan Kong nagbubunyag ka ng mga tiwaling disposisyon o may ilang kapintasan sa iyong pagkatao, hindi Ko tutukuyin ang mga ito sa iyo, magmumukha Akong iresponsable. Kung tutukuyin Ko ang gayong mga bagay sa iyo at matatanggap mo ang mga ito, siyempre ay mas mabuti iyon. Pero kung hindi mo ito tatanggapin, dapat ba kitang bigyang-layaw, o dapat ba kitang pungusan at mahigpit na disiplinahin? Kung bibigyang-layaw kita, hindi iyon maaatim ng Aking konsensiya. Kung pupungusan kita, hindi mo ito matatanggap at makakaramdam ka ng pagkaagrabyado. Kung palagi Akong makikipagbahaginan sa iyo tungkol sa katotohanan at hindi mo pa rin ito tatanggapin sa iyong puso, sabihin mo sa Akin, magiging sulit ba para sa Akin na gawin ito? Hindi ba’t makakaramdam Ako ng pagkahapo? (Oo.) Kung mangangaral Ako sa bawat isa sa inyo araw-araw, hindi ba’t magiging isa Akong robot? Hindi ba’t magiging isa Akong kasangkapan? Hindi iyon ang gawaing nararapat Kong gawin. Nagsasalita Ako sa buong sangkatauhan; ito ang Aking ministeryo. Ang Aking mga salita ay hindi nakatuon sa sinumang partikular na indibidwal. Nagsasalita Ako sa buong sangkatauhan, at isa kang miyembro ng sangkatauhan, kaya nalalapat sa iyo ang mga salitang ito. Dahan-dahan mong kainin at inumin ang mga ito nang ikaw mismo, dahan-dahan mong ikumpara ang iyong sarili sa mga ito, at dahan-dahan kang dumanas at magbago. Pero gaano katagal aabutin ang dahan-dahang pagbabagong ito? Tatlo hanggang limang taon ba ito, o sampu hanggang dalawampung taon? At hanggang sa anong antas ka magbabago? Nakadepende iyan sa iyong personal na determinasyon at abilidad na makaarok. Sa panahong ito, kapag nakikipag-ugnayan tayo nang magkakasama, nagsisinungaling at nanlilinlang kayo, nakikipagtunggali at nakikipag-away, at nanlalansi. Kaya, talagang hindi madali para sa atin na magkamit ng pagkakasundo, isang mabuting ugnayan, at pagkakaisa, o makaramdam ng kaligayahan at kagalakan sa ating mga pakikipag-ugnayan. Ano’t anuman, maging ang mga taong nakakasalamuha Ko nang malapitan o mula sa malayo, hanggang ngayon ay wala pa Akong naramdamang sinseridad o pagbabago mula sa sinuman, ni isang pakiramdam ng kaligayahan o kaginhawahan mula sa sinuman. Bukod pa rito, sa tagal Ko nang nabubuhay, ano ang pinakamalalim Kong napagtanto ngayon? Tumpak na masasabi na ang isang bagay na pinakaayaw Kong gawin ay ang magkaroon ng malapit na pakikipag-ugnayan sa mga tao at makisalamuha nang malapitan sa kanila. Hindi Ako nanlilinlang, nakikipagtunggali, o nakikipag-away sa sinuman, pero palaging gustong makipagtunggali, makipag-away, at manlinlang ang mga tao. Ano ang dapat Kong gawin? Dapat Ko bang pagbigyan ang panlilinlang, pakikipagtunggali, at pakikipag-away ng mga tao, o dapat Ko bang baguhin ang panlilinlang, pakikipagtunggali, at pakikipag-away ng mga tao? Hindi Ko puwedeng pagbigyan ang mga tao. Talagang mayroon Akong ilang abilidad at ilang landas na baguhin ang mga tao, pero ang prosesong ito ng pagbabago ay masyadong mahaba at masyadong mahirap. Sa huli, ginagawa Ko ang susunod na pinakamainam: Kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao, ginagawa Ko ang Aking pinakamakakaya para tulungan iyong mga maaaring tulungan. Para sa mga hindi tumatanggap ng tulong anuman ang mangyari, sinusubukan Kong iwasan ang pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa kanila, at naglalaan Ako ng oras sa paghihintay!
Ang pagtanggap sa katotohanan at pagpapasakop sa katotohanan upang maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon at matamo ang pagdadalisay ay isang proseso; hindi ito isang madaling bagay. Sa paglipas ng mga taon ng pakikisalamuha sa mga tao, sa anumang grupo ng mga tao Ko matagpuan ang Aking sarili, at paano man magkakaiba ang mga tao pagdating sa kanilang edad, panlabas na anyo, kulay ng balat, personalidad, at pinagmulang pamumuhay, palagi Kong nararamdaman na ang kanilang kalikasang diwa ay napakapamilyar, na para bang nakita Ko na ang lahat ng ito noon. Nararamdaman Ko na ang disposisyong diwa ng lahat ng uri ng tao ay pare-pareho, at pagkatapos Kong makisalamuha sa kanila, lahat sila ay nagiging eksakto sa inaasahan Ko. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, anong klase ang lagay ng loob Ko? Maganda ba ang lagay ng loob Ko? (Hindi.) Walang nakakaalam kung bakit hindi maganda ang lagay ng loob Ko. Mayroon bang ganitong kamalayan ang mga tao kapag nakikisalamuha sila sa Akin? (Wala.) Namumuhay sa katiwalian, umaasa ang sangkatauhan sa mga paraan para mabuhay tulad ng panlilinlang, pakikipagtunggali, at pakikipag-away. Sanay na sanay sila sa ganito, namumuhay nang walang inaalala at maginhawa. Namumuhay sila sa kasalanan, tinatamasa ang mga kaligayahan ng kasalanan nang walang anumang pag-aalala, at hindi nila nararamdaman na ito ay isang bagay na masakit. Tiyak na dahil lahat ng tao ay may makasalanang kalikasan, ang kasalanan ay ang buhay ng mga tao, at ang diwa ng buhay ng mga tao ay kasalanan, hindi nila nararamdaman na masakit ang mamuhay sa kasalanan. Para itong isang baboy; ang baboy ay isang maruming bagay, isang napakaduming bagay. Kumakain at natutulog ito sa mga putikang hukay at mga tambakan ng basura nang hindi nakakaramdam ng dumi o pagiging kasuklam-suklam. Mayroon ding mga uod; namumuhay sila sa mga tambakan ng dumi at mababahong kanal nang hindi kailanman nakakaramdam ng kahit katiting na dumi—hiyang na hiyang pa nga sila roon at komportable. Namumuhay ang mga tao sa loob ng kanilang mga tiwaling disposisyon at sa gitna ng pakikipagtunggali at pakikipag-away, at hindi rin nila ito nakikitang masakit o mahirap. Nararamdaman pa nga ng ilang tao na kung lilipas ang isang araw na hindi sila nakikipagtunggali, nakikipag-away, o nanlalansi, magiging masyadong nakakabagot at hindi kawili-wili ang kanilang buhay, kaya kailangan nilang humanap ng isang bagay na pag-aawayan o isang tao na lalansihin. Sa kanilang paningin, namumuhay sa laman at nakasuot ng balat ng tao, dapat makipagtunggali at makipag-away ang mga tao; kung hindi, mawawalan ng halaga ang kanilang pag-iral. Para sa Akin, ganap na naiiba ang pakiramdam. Nararamdaman Ko na ang pakikipagtunggali at pakikipag-away sa mga tao ay isang nakakahapong bagay, at isa ring nakakainis na bagay; ito ang isang pangunahing bagay na pinakagusto Kong takasan sa buhay na ito. Hindi Ko alam kung paano makipagtunggali o makipag-away, ni hindi Ako handang makipagtunggali o makipag-away. Kapag talagang nakakatagpo Ako ng mga usaping kinasasangkutan ng pakikipagtunggali at pakikipag-away, gusto Ko lang umatras, lampasan at iwasan ang mga ito, kaya partikular Akong naiinis sa mga bagay na ito. Pagkatapos ng maraming taon ng pagkainis Ko, naipon ang mga emosyong ito at umabot sa kanilang hangganan, at sa huli ay naramdaman Kong ang pakikipag-ugnayan sa mga tao ang pinakamasakit na bagay sa mundo. Sa tuwing nakakatagpo Ako ng isang taong nakikipagtunggali at nakikipag-away sa Akin, pakiramdam Ko ay itinutulak Ako sa isang gilingan ng karne, na para bang pinaglalaruan Ako; iyon ang pakiramdam. Pagkatapos magkaroon ng mga pakiramdam na ito, pinag-iisipan Ko, “Paano nabubunyag ang aspektong ito ng kanilang tiwaling disposisyon? Ano ang diwa ng ganitong uri ng tao? Kung may pagkakataon, makikipagbahaginan Ako sa kanila tungkol dito. Kung matatanggap nila ang katotohanan, iyon ang pinakamabuti, at tunay silang karapat-dapat na tulungan. Kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan, hahayaan Ko na lang na mangyari ang mga bagay-bagay ayon sa natural na daloy ng mga ito, at hahayaan ang tadhana na gawin sa kanila kung ano ang gusto nito.” Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan ay mga taong walang pagkatao, at sila rin ay mga taong walang mga pagpapala; sila ang pinakahangal na mga tao, ang pinakawalang-halagang mga tao. Matapos makisalamuha sa maraming tao, nabuo Ko ang kaisipan at pananaw na ito tungkol sa mga tao at mga makamundong usapin: Ang pakikipag-ugnayan sa mga tao ay naging isang nakakapagod na bagay. Hindi ito pisikal na pagkahapo, kundi espirituwal na pagkahapo. Kalakip ng pagkahapong ito, mayroon ding pakiramdam ng pagkabagot, pagkasikil, at pasakit. Kung hindi Ako makikipag-ugnayan sa mga tao, mas kaunting pagkakataon ang makakatagpo Ko na ang mga tao ay nakikipagtunggali at nakikipag-away sa Akin, at ang Aking espiritu ay nakakaramdam ng labis na paglaya at kaginhawahan.
Sa mga nakalipas na taon, kapag nakikipag-ugnayan sa ilang kapatid, madalas Kong marinig na sinasabi ng ilang tao, “Nagkamali ako ng sinabi ngayon lang; hayaan ninyong itama ko ang sarili ko,” o “May kaunting pagkakaiba sa sitwasyong nalaman ko kanina; hayaan ninyong iwasto ko ito.” Gayundin, ang ilang tao ay may mas wastong saloobin sa pangangasiwa ng mga usapin kaysa noon, at medyo mas seryoso at responsable. Bukod pa rito, kaya nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, at mas kaunti ang kanilang mga reklamo. Karamihan sa mga tao ay kayang makipagtalakayan sa isa’t isa at makipagtulungan nang may pagkakasundo kapag magkakasamang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Kumpara noong ilang taon na ang nakalipas, mas mabuti sila at medyo nagbago na. Sa tuwing napapansin Kong nangyayari ito, napakaganda ng pakiramdam Ko. Nararamdaman Kong hindi nasayang ang lahat ng taon na ito ng paulit-ulit na pagtalakay sa mga bagay na ito—sa wakas, sineseryoso na ng isang bahagi ng mga tao ang mga salitang ito. Pagkatapos marinig ang mga salitang ito, nauunawaan nila ang katotohanan at alam nila kung paano magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Gaano man karami ang kaya nilang isagawa, kahit papaano man lang, mayroon silang buhay pagpasok at medyo nagbago na. Sa madaling salita, ang kanilang mga saloobin at pananaw sa katotohanan ay naging medyo wasto at tama. Bagama’t medyo nagbago na ang ilang tao, hindi pa sapat ang kanilang pagbabago. Minsan, kapag nakakatagpo ng iba’t ibang usapin, mayroon pa ring mga pagkakataon na ang mga tao ay nakikipagtunggali at nakikipag-away; hindi pa nalulutas ang ugat ng problema. Medyo nagbago lang kayo, at hindi pa kayo umaabot sa punto na kaya ninyong magpasakop nang ganap. Kailangan pa rin ninyong ipagpatuloy ang paghahangad sa katotohanan, at ipagpatuloy ang pagdanas ng pagpupungos, mga pagsubok, at pagpipino. Ang pagbabago ay hindi isang panlabas na pagbabago—kaya ano ba talaga ang nagbabago? Nagsalita na Ako nang napakaraming taon, at nakilala na ninyo na mayroon kayong maraming tiwaling disposisyon, at na sa totoo lang ay mayroon din kayong maraming kapintasan sa inyong pagkatao. Dapat ay malinaw sa inyo kung paano iwawaksi ang inyong mga tiwaling disposisyon at gagampanan nang maayos ang inyong mga tungkulin, at kung paano isasagawa ang katotohanan para magampanan ang inyong mga tungkulin nang pasok sa pamantayan, hindi ba? Kahit papaano man lang, dapat ay malinaw sa inyong lahat kung paano maging matatapat na tao, at malaman din ninyo kung paano ito isagawa. Kung, tungkol sa mga problema na nauunawaan ninyo at abot ng inyong makakaya, kaya ninyong magsikap sa paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga ito nang isa-isa, magtiis ng kaunting pagdurusa para madaig ang inyong iba’t ibang paghihirap, at magawang isagawa ang katotohanan, maaaring ituring Ko kayo bilang mayroonng kaunting wangis ng tao sa pangkalahatan. Kahit na paminsan-minsan ay nagpapakita ka pa rin ng kaunting tendensiya na makipag-away kapag nakikipag-ugnayan Ako sa iyo, kung pakiramdam Ko ay hindi ito halata, magiging ibang-iba ang pananaw Ko sa iyo kaysa noon, at magiging mas hindi mahirap para sa atin na magkasundo. Dapat kayong magbahaginan at gumawa ng mga plano tungkol dito, tungkol sa kung paano maghangad para makamit ang pagbabago. Hindi kayo maaaring makontento na lang sa paggampan ng inyong tungkulin sa pamamagitan ng paglalaan ng kaunting pagsisikap, pagtatrabaho nang kaunti, paggawa nang pabasta-basta, hindi paggawa ng mga maling bagay, hindi pagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, o hindi lang pagkatanggal o pagpapaalis. Sa halip, dapat kayong magsikap sa katotohanan, sa pagsasagawa ng katotohanan, at sa pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan. Tungkol dito, nararapat Kong papurihan ang karamihan sa mga sister; karamihan sa mga sister ay gumagawa nang maayos, habang karamihan sa mga brother ay gumagawa nang hindi maayos. Mula sa mga video ng patotoong batay sa karanasan, nakikita Ko na sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, karamihan sa mga gumagampan ng mga pangunahing papel at nagsisilbing mga superbisor ay mga sister; napakakaunti ng mga brother. Hindi sineseryoso ng karamihan sa mga brother ang mga bagay-bagay pagdating sa iba’t ibang aytem ng propesyonal na gawain, ni hindi nila sineseryoso ang mga bagay-bagay pagdating sa mga katotohanang prinsipyo at buhay pagpasok, o sa iba’t ibang katotohanan tungkol sa pagpapasakop sa Diyos at pagtatamo ng kaligtasan. Ang mas malala pa, maraming brother ang sadyang walang espirituwal na buhay; hindi sila nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi nakikinig sa mga sermon at pagbabahaginan, hindi nanonood ng mga pelikula at video ng sambahayan ng Diyos, at kapag nakakatagpo sila ng mga isyu, hindi nila hinahanap ang katotohanan o hindi sila nakikipagbahaginan sa mga kapatid. Mas mahusay ang ginagawa ng mga sister kaysa sa mga brother sa bagay na ito. Sa partikular, ang ilang sister na kasalukuyang nagsisilbing mga superbisor para sa mahalagang gawain sa sambahayan ng Diyos ay mas masunurin at mapagpasakop kaysa noon. Kaya nilang magtiis ng paghihirap, handa silang magbayad ng halaga, gumagawa ng mga bagay-bagay nang metikuloso, at napakaseryoso, mahigpit, at taimtim nila. Kapag pinupungusan, hindi nila inaabandona ang kanilang mga tungkulin o hindi sila nagrereklamo; kaya pa rin nilang magdasal at magpasakop, at kayang hanapin ang katotohanan para makilala at malutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Mga brother, maaari ninyong tingnan kung paano gumagawa ng mga bagay-bagay ang mga sister sa paligid ninyo. Mas metikuloso sila kaysa sa inyo, at mas seryoso, responsable, at taimtim sa kanilang mga kilos kaysa sa inyo; bukod pa rito, sila ay masunurin at mapagpasakop, at nakatuon sila sa paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo kapag gumagawa ng mga bagay-bagay. Siyempre, mayroon ding isang bahagi ng mga brother na medyo masunurin at kayang maging metikuloso at taimtim sa mga bagay na ginagawa nila, pero karamihan sa mga brother ay palaging medyo pabaya. Tinatawag ito ng mga walang pananampalataya na pagiging burara at walang pigil. Hindi pinahihintulutan ng sambahayan ng Diyos ang “pagiging burara”; binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan at pangangasiwa ng mga usapin ayon sa mga prinsipyo, at paggawa ng mga bagay-bagay nang taimtim at mahigpit. Ang pagiging hindi maingat at pabaya ay talagang hindi katanggap-tanggap. Karamihan sa mga brother ay pabaya sa pangangasiwa ng mga usapin at hindi kailanman taimtim, palagi nilang iniisip, “Puwede na ang ‘humigit-kumulang’ o ‘puwede na iyan’; sapat na ito.” Kapag nakikita nila ang ilang sister na nagsisikap sa katotohanan at hinaharap ito nang taimtim, at nagiging seryoso at mahigpit sa kanilang mga tungkulin, minamaliit pa nila ang mga sister na ito, sinasabi nila, “Kami ay mga tunay na lalaki. Kailangan bang gawin ang mga bagay na iyon sa gayon kaliit at di-mahalagang detalye? Ang lahat ng pagbabahaginang ito tungkol sa katotohanan, ang lahat ng pagdarasal at paghahanap na ito—hangga’t karaniwang tama ang direksyong tinatahak natin, ayos na iyon. Ano ang silbi ng pagiging masyadong mabusisi? Matatawag pa ba namin ang aming sarili na mga lalaki kung masyado kaming mabusisi sa lahat ng bagay? Pagtatawanan kami ng mga tao!” Ang saloobin mong ito ay mali. Sino ang tatawa sa iyo dahil sa seryosong paggawa ng mga bagay-bagay? Hayaan silang tumawa kung gusto nila. Ang isang tunay na lalaki ay dapat gumawa ng mga bagay-bagay nang seryoso; walang kahiya-hiya rito. Ang paggawa ng mga bagay-bagay nang seryoso ay ang saloobin sa katotohanan, sa mga responsabilidad, at sa mga tungkulin na dapat taglayin ng lahat ng tao—mga nilikha—anuman ang kasarian. Pagdating sa paggawa ng mabibigat na pisikal na trabaho o pagpapaandar ng mga bagay tulad ng makinarya, mayroong pagkakaiba sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, pero walang gayong pagkakaiba sa paghahangad sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi nakatuon lamang sa kalalakihan o kababaihan, kundi sa sangkatauhan, na kinabibilangan ng kapwa kalalakihan at kababaihan. Sa lahat ng katotohanang napagbahaginan natin, tanging sa mga usaping may kinalaman sa pag-aasawa lamang mayroong pagkakaiba sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, humihingi sa kalalakihan na tuparin ang mga responsabilidad ng lalaki at sa kababaihan na tuparin ang mga responsabilidad ng babae. Walang mga pagkakaiba sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan sa iba pang mga aspekto ng katotohanan; ang mga ito ay pawang mga bagay na dapat isagawa ng mga tao. Lalo na sa mga usaping may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ka dapat magkamali, at hindi rin dapat maging mali ang iyong direksyon at layon. Sa paghahangad sa katotohanan, kapag nasasangkot ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, ang mga kalagayang ibinubunyag niya, at ang kanyang mga kaisipan at ideya, dapat mong suriin at kilatisin ang mga ito nang detalyado. Kung hindi mo susuriin ang mga ito, hindi mo kailanman mahahanap ang ugat ng problema. Kung hindi mo ito mahahanap, hindi mo ito malulutas, at palagi kang mamumuhay sa loob ng iyong mga tiwaling disposisyon, binabagabag at minamanipula ng mga ito—hindi ka magkakamit ng pagbabago, at hindi mo maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon.
Ngayon ay nagbahaginan tayo tungkol sa ilang aspektong may kinalaman sa paksa ng “hindi pagtutumbas sa nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan.” Pangunahin itong para sabihin sa inyo ang tungkol sa mga prinsipyo kung paano Ako umaasal at nakikipag-ugnayan sa mga tao, pati na rin ang Aking panloob na disposisyon at diwa kapag nakikipag-ugnayan Ako sa mga tao. Hindi ninyo makikita, mauunawaan, o matatanto ang mga bagay na ito mula sa panlabas, kaya ibinahagi Ko ang Aking mga damdamin at ang Aking mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay sa inyo. Hindi Ako nagpapatotoo sa Aking sarili; ibinabahagi Ko lang ang mga bagay na ito sa inyo para malaman at maunawaan ninyo ang mga prinsipyo ng Aking pag-asal at paggawa ng mga bagay-bagay, at ang buhay, disposisyon, at diwa na Aking isinasabuhay. Ang mga ito ay hindi mga lihim, ni hindi rin mga misteryo. Sa sandaling maunawaan at malinawan kayo sa mga ito, magagawa ninyong makilala ang Diyos at makilala ang nagkatawang-taong laman ng Diyos nang mas tumpak. Kung hindi, ang pahayag na “kayang katawanin ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ang Diyos sa langit, at taglay Niya ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos” ay maaaring maging isang hungkag na parirala sa inyo magpakailanman, o maaari itong manatili magpakailanman sa loob ng inyong mga kuru-kuro at imahinasyon, o maaari itong maging isang misteryo sa inyo magpakailanman. Sa totoo lang, isa itong isyung nalulutas; hindi ito isang teorya, ni hindi ito isang de-kahong kasabihan. Bagama’t ang anyo ng pag-iral ng buhay ng nagkatawang-taong Diyos ay medyo naiiba sa anyo ng pag-iral ng Diyos sa langit—ito ay ang Espiritu ng Diyos na umiiral sa laman—walang pagkakaiba sa Kanilang buhay, at walang pagkakaiba sa Kanilang buhay diwa. Kaya, saan nagmumula ang mga bagay na ito na pinag-usapan natin—ang hindi panlilinlang, pakikipagtunggali, o pakikipag-away ng nagkatawang-taong laman ng Diyos sa mga tao? Nagmumula ang mga ito sa sariling buhay ng Diyos; sa tumpak na pananalita, nagmumula ang mga ito sa pagpapahayag ng sariling disposisyon ng Diyos. Samakatwid, ang pagsasabi sa inyo na “Hindi Ako nanlilinlang, nakikipagtunggali, o nakikipag-away sa sinuman” ay hindi isang burukratikong pananalita, ni hindi ito isang misteryo. Ganoon lang Siyang klase ng tao, namumuhay lang Siya sa gayong buhay, at ang Kanyang mga prinsipyo sa pag-asal, pati na rin ang buhay, disposisyon, at diwa na Kanyang isinasabuhay, ay pawang naglalaman ng mga elemento ng hindi panlilinlang, hindi pakikipagtunggali, at hindi pakikipag-away sa mga tao. Malinaw ba iyon? (Oo.) Tatapusin natin dito ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!
Agosto 17, 2024