Paano Hangarin ang Katotohanan (23)

Ilang panahon na tayo ngayong nagbabahaginan tungkol sa paksa ng kung paano hangarin ang katotohanan. Hindi pa tayo tapos magbahaginan tungkol dito; isa itong napakalaking paksa, at talagang napakaraming isyu ang nauugnay sa paghahangad ng katotohanan, hindi ba? (Oo.) Tungkol sa paksa ng kung paano hangarin ang katotohanan, nakapagbahagi na tayo tungkol sa dalawang aspekto ng pagsasagawa: Ang isang aspekto ng pagsasagawa ay ang pagbitiw, at ang isa pang aspekto ng pagsasagawa ay ang pagtatalaga ng sarili. Nakapagbahaginan na tayo nang marami noon tungkol sa paksa ng “pagbitiw.” Ang napagbahaginan natin kamakailan ay ang “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos,” na nahahati sa ilang aspekto: mga kuru-kuro at imahinasyon, mga di-makatwirang hinihingi, pagiging mapagbantay at paghihinala, at pagsisiyasat at paniniktik. Hindi ba’t marami na tayong napagbahaginan tungkol sa unang aspekto, ang mga kuru-kuro at imahinasyon? Sa loob ng aspekto ng mga kuru-kuro at imahinasyon, ang nilalamang nauugnay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos ay binubuo ng mga kuru-kuro nila tungkol sa gawain ng Diyos, sa disposisyong diwa ng Diyos, at sa nagkatawang-taong Diyos. Noon, pangunahin tayong nagbahagi tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Bagama’t hindi tayo nagbahagi tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa disposisyong diwa ng Diyos nang tahasan at sa nakatuong paraan, nakapagbahagi naman tayo tungkol sa ilang isyung nauugnay sa iba’t ibang aspekto ng sangkatauhan. Pagkatapos ibahagi ang mga bagay na ito, hindi ba’t dapat maunawaan ng mga tao ang saloobin ng Diyos sa iba’t ibang isyu ng sangkatauhan? Hindi ba’t dapat maunawaan ng mga tao kung paano tinatrato ng Diyos ang mga likas na kondisyon, mga tiwaling disposisyon, at pagkatao ng mga tao? (Oo.) Pagkatapos maunawaan ang mga bagay na ito, dapat malutas ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos at sa disposisyong diwa ng Diyos. Kamakailan, nakapagbahaginan tayo tungkol sa mga klasipikasyon ng lahat ng uri ng tao. Sabihin ninyo sa Akin, sa tingin ninyo ay bakit natin ibinahagi ang paksang ito? (Ang pagbabahaginan tungkol sa mga klasipikasyon ng lahat ng uri ng tao ay, sa isang banda, para tulungan tayong matutong kumilatis sa lahat ng uri ng tao—kung sino ang nagreinkarnasyon mula sa mga tao, kung sino ang nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, at kung sino ang nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Sa sandaling magkaroon tayo ng pagkilatis, magkakaroon tayo ng mga prinsipyo sa kung paano natin tinatrato ang mga tao. Sa kabilang banda, binibigyang-kakayahan tayo nito na magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan tungkol sa kung anong uri talaga ng mga tao ang inililigtas ng Diyos, upang hindi natin tatratuhin ang gawain ng Diyos batay sa ating mga kuru-kuro at imahinasyon.) Sa madaling salita, ang pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito ay nagtutulot sa mga tao na maunawaan kung paano tinitingnan ng Diyos ang lahat ng uri ng tao, kung paano Niya tinatrato ang lahat ng uri ng tao, at kung paano Niya pinangangasiwaan ang lahat ng uri ng tao. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga diwa ng lahat ng uri ng tao, o sa pamamagitan ng pag-unawa sa iba’t ibang isyu ng sangkatauhan—kapwa ang uri na likas na mayroon ang mga tao at iyong mga nabubuo kalaunan—pangunahing magkakaroon ang mga tao ng tumpak na pagkakilala kung ano ang mga prinsipyo ng Diyos para sa pagtrato sa iba’t ibang isyu ng sangkatauhan. Sa sandaling makilala ng mga tao ang mga bagay na ito, ang malaking bahagi ng mga kuru-kuro at imahinasyon nila na nauugnay sa gawain ng Diyos at ng disposisyong diwa ng Diyos ay nalulutas. Natapos na nating ibahagi ang tungkol sa mga isyung nauugnay sa gawain ng Diyos at sa disposisyong diwa ng Diyos sa ilalim ng paksa ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Dapat dahan-dahan ninyo mismong danasin at unawain ang mga ibinahagi, at sa paglipas ng panahon, magkakamit kayo ng kaunting pagkakilala sa Diyos. Kapag nakatagpo kayo ng ganitong mga uri ng isyu sa buhay, dapat ninyong kunin ang mga salitang ito at itugma ang mga ito sa gayong mga isyu, mas maghanap at magdasal-magbasa, at pagkatapos ay lutasin ang mga problemang nakaharap ninyo sa tunay na buhay batay sa mga prinsipyo o nilalaman na ibinahagi.

Tungkol sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, mayroon pang isang huling punto na hindi pa natin naibabahagi, at ito ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Mayroon bang pangangailangan na magbahagi tungkol sa isyung ito? (Mayroon.) Anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon kayo tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, sa espesyal na pagkakakilanlang ito? Alam ba ninyo kung ano ba mismo ang pinakamalaking problema o paghihirap ninyo tungkol sa nagkatawang-taong Diyos? Para sa karamihan ng mga tao, ang direktang pakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos ay walang iba kundi ang pakikinig sa mga sermon at sa pagbabahaginan sa mga pagtitipon. Kakaunti lang ang mga tao na may aktuwal na harapang pakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos, o maging ang mayroong ilang limitadong pakikisalamuha sa Kanya sa buhay. Kung gayon, kapag nakikinig sa pagbabahaginan sa mga pagtitipon, o kapag nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha sa Kanya sa gawain o sa buhay, ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ninyo tungkol sa nagkatawang-taong Diyos? Ano ang mga aktuwal na problema at paghihirap ninyo? Tiyak na may mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos; imposibleng hindi sila magkaroon ng mga ito. Ang mga tao ay hindi namumuhay nang hiwalay sa lipunan, ni hindi sila tulad ng mga robot na hindi nakakapag-isip. Kung nakakapag-isip ka, mayroon kang aktibong isipan, at kung mayroon kang aktibong isipan, tiyak na magkakaroon ka ng mga kaisipan kapag nakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos. Ang mga kaisipang ito ay madalas na mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao; hindi nauugnay sa mga ito ang katotohanan, ni hindi nakaaayon ang mga ito sa katotohanan. Kaya lang, karamihan sa mga tao, pagkatapos manampalataya sa Diyos nang tatlo hanggang limang taon, ay pangunahing mayroong isang partikular na antas ng pagkilala at pagtanggap sa nagkatawang-taong Diyos. Samakatwid, kahit pa mayroon silang ilang kuru-kuro, dahil nakarinig na sila ng maraming katotohanan, kapag nakatagpo nila ang mga bagay na ito, kaya nilang lutasin ang mga ito nang sila lang gamit ang isang pangunahing prinsipyo o ang sarili nilang mga natatanging pamamaraan—marahil sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, o pagpupungos sa sarili nila, o pagdarasal—at kadalasan, nalulutas ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila tungkol sa Diyos. Kung gayon, nalutas ba ang mga ito dahil naunawaan ng mga tao ang katotohanan, o ito ba ay dahil pansamantala nila itong napawi gamit ang mga metodo at paraan ng tao? (Pansamantala itong napawi.) Ibig sabihin, nananatiling hindi nalulutas ang problemang ito. Sa panlabas, tila kalmado at payapa ang lahat sa kanila, at sa loob ng ilang panahon ay wala silang mga kuru-kuro, pero ang ugat ng problemang ito ay nananatiling nakatago sa loob nila at hindi pa napupuksa. Sabihin ninyo sa Akin, mabuti ba na hindi pa napupuksa ang problemang ito? (Hindi.) Bakit hindi ito mabuti? Ano ang magiging epekto nito sa mga tao? (May mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, at sa sandaling magtugma ang mga sitwasyon, sasabog ang mga ito. Halimbawa, kapag nakakatagpo sila ng mga bagay na hindi naaayon sa inaasahan nila, magkakaroon sila ng maling pagkaunawa at magrereklamo tungkol sa Diyos, o maghihimagsik sila laban sa Diyos at lalabanan Siya.) Isa itong tunay na problema. Kung hindi malulutas ang ugat ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, ang mga ito ay palaging iiral sa loob mo bilang isang problema at magkakaroon ng ilang epekto sa iyo. Kapag hindi ka pa nakakatagpo ng anumang partikular na sitwasyon, at nagbabasa ka lang ng mga salita ng Diyos at, sa puso mo, naniniwala ka sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, pati na rin sa Kanyang disposisyon, kung gayon ay hindi pa nagkakaroon ng anumang epekto sa iyo ang problemang ito. Kung, kapag nakikipag-ugnayan sa iyo ang nagkatawang-taong Diyos, nakikipag-usap sa iyo, o nag-aatas ng gawain sa iyo, nakararanas ka ng pagpupungos o ng mga bagay na hindi naaayon sa inaasahan mo, maaaring magdulot ng ilang negatibong epekto sa loob mo ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo. Kung nalutas ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, kapag nakatagpo ka ng mga bagay na ito, maaari ka pa ring makaramdam ng pasakit at kawalang-ginhawa, at sa mas malulubhang kaso ay maaari ka pa ngang magkaroon ng paghihimagsik, pero maagap kang lalapit sa harap ng Diyos para hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga isyung ito, sa halip na tratuhin ang nagkatawang-taong Diyos bilang isang ordinaryong tao, o maghimagsik laban sa Kanya, lumaban sa Kanya, at sumalungat sa Kanya.

Magbahaginan tayo tungkol sa kung paano dapat lutasin ng mga tao ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Ang totoo, mas madaling lutasin ang problemang ito kaysa sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao na nauugnay sa gawain ng Diyos at sa disposisyong diwa ng Diyos, na ibinahagi natin noon. Napakalawak ng saklaw ng gawain ng Diyos, at may kasama itong maraming nilalaman, na may maraming katotohanang kailangang malaman at maunawaan ng mga tao. Higit pa rito, ang disposisyong diwa ng Diyos ay lalo’t higit ang pinakamalalim na katotohanan sa lahat ng katotohanang dapat maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos, at ito rin ang pinakamahirap na makilala ng mga tao. Gayumpaman, kung ikukumpara sa dalawang aspektong iyon ng katotohanan, mas direkta para sa mga tao ang katotohanan tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, kaya mas madali ring lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon na nauugnay sa nagkatawang-taong Diyos. Ito ay dahil, kung ikukumpara sa gawain ng Diyos at sa disposisyong diwa ng Diyos, ang nagkatawang-taong Diyos, higit sa lahat, ay lubos na tunay—Siya ay nakikita at nahahawakan ng mga tao. Hindi Siya abstrakto; sa halip, mayroon Siyang partikular na tinig at kaya Niyang ipahayag ang Kanyang sarili nang pasalita, at mayroon Siyang partikular na panlabas na anyo, wangis, disposisyon, at personalidad na maaaring makaugnayan ng mga tao, bukod pa sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan na ipinapahayag Niya. Samakatwid, kung ikukumpara sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos at sa disposisyong diwa ng Diyos, mas kongkreto ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Habang mas kongkreto ang isang bagay, mas madali itong makilala ng mga tao, mas madali para sa kanila na itugma ang sarili nila rito, at mas madali para sa kanila na lutasin ito. Ganito ito gumagana sa teorya, pero sa partikular, paano dapat lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos? Mayroong dalawang landas ng pagsasagawa, ibig sabihin, mayroong dalawang prinsipyo ng pagsasagawa tungkol sa tamang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa nagkatawang-taong Diyos. Ang una ay ang hindi Siya ikumpara sa Diyos sa langit. Ang pangalawa, na napakahalaga rin, ay ang hindi Siya itumbas sa tiwaling sangkatauhan. Kung magagawa mo ang dalawang bagay na ito, pangunahing maituturing na nalutas na ang ugat ng mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Tingnan ninyo, tama ba ang landas na ito ng pagsasagawa ayon sa dalawang prinsipyong ito? (Oo.) Bakit ang dalawang landas na ito ang paraan para lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos? (Dahil ang mga tao ang pinakamadaling makagawa ng dalawang pagkakamaling ito. Kapag nagkakatawang-tao ang Diyos, iniisip ng mga tao na napakalabo ng nagkatawang-taong Diyos, iniisip na kaya Niyang gumawa ng mga tanda at kababalaghan tulad ng Diyos sa langit, at iba pa. Madali rin para sa mga tao na itumbas ang nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan, na madaling nagkakasala sa disposisyon ng Diyos.) Malinaw ninyong nakikita ang usaping ito, hindi ba? (Oo.) Ang dahilan kung bakit ang dalawang aytem na ito ang bumubuo sa mga landas at prinsipyo para sa paglutas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos ay dahil ang mga kuru-kuro at imahinasyon na nabubuo ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos ay pangunahing binubuo ng dalawang aspektong ito. Sa isang banda, tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, kung tutukuyin ng mga tao na Siya ang Diyos na nagmula sa langit, na nananahan sa Kanya ang Espiritu ng Diyos bilang Kanyang buhay, at Siya ang Espiritu ng Diyos na naisakatuparan sa laman, at kung tutukuyin nila na espesyal ang Kanyang pagkakakilanlan at Siya ang pagpapahayag ng Diyos sa langit, kung gayon ay ikukumpara nila Siya sa Diyos sa langit. Sa kabilang banda, dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay walang ipinagkaiba sa mga tao sa panlabas at isa lang Siyang ordinaryong tao, hindi maiwasan ng mga tao na tratuhin Siya bilang isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Mahilig na mahilig ang mga tao na ikumpara Siya o itumbas Siya sa tiwaling sangkatauhan, at itinuturing pa nga nila ang nagkatawang-taong Diyos bilang isang miyembro ng sangkatauhan na walang ipinagkaiba sa tiwaling tao. Ang dalawang aspektong ito ang pinagmulan ng mga kuru-kuro at imahinasyon na nabubuo ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Ang dalawang aspektong ito rin ang ugat na sanhi ng mga pagkakamaling madalas gawin ng mga tao sa pagtrato nila sa nagkatawang-taong Diyos, at ng iba’t ibang problema ng paghihimagsik, paglaban, at pagsalungat na lumilitaw sa pagtrato nila sa nagkatawang-taong Diyos. Samakatwid, kung malulutas ang dalawang problemang ito, ang mga kuru-kuro at imahinasyon, pati na rin ang paghihimagsik at pagsalungat, na nabubuo mo tungkol sa nagkatawang-taong Diyos ay unti-unti ring malulutas. Dahil napakahalaga ng dalawang landas na ito ng pagsasagawa, isa-isa nating pagbahaginan ang mga detalye.

Para lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, ang unang prinsipyo ng pagsasagawa ay ang hindi Siya ikumpara sa Diyos sa langit. Ang Diyos sa langit ay isang espirituwal na katawan, at ang Diyos sa lupa ay laman. Ang hindi pagkumpara sa Kanya sa Diyos sa langit ay tiyak na nangangahulugan ng hindi pagsubok na tingnan nang magkatabi ang Diyos sa langit at ang nagkatawang-taong Diyos. Dahil ang pagkakakilanlan at diwa ng nagkatawang-taong Diyos, pati na rin ang gawaing ginagawa Niya, ay pawang kumakatawan sa Diyos sa langit, natural lang para sa mga tao na madalas na pagsamahin ang nagkatawang-taong Diyos at ang Diyos sa langit para ikumpara Sila. Kaya, ano ang mali sa pagkumpara sa Kanila? Bakit hindi Sila puwedeng ikumpara? Una, tingnan ninyo kung ano ang karaniwang ikinukumpara ng mga tao, at pagkatapos ay malalaman ninyo kung tama ba para sa mga tao na ikumpara Sila sa ganitong paraan. Kaya, ano ang ipinagkukumpara ng mga tao kapag ipinagkukumpara nila ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit? Ipinagkukumpara nila ang Kanilang kapangyarihan, ang Kanilang awtoridad, at ang Kanilang mga disposisyon, at nagiging mas partikular pa nga ang mga tao, ipinagkukumpara nila kung gumagawa ba Sila ng mga tanda at kababalaghan, ang kapangyarihan ng Kanilang mga salita, at ang mga resultang nakakamit ng Kanilang mga salita. Ano pa ang ipinagkukumpara nila? (Ang Diyos sa langit ay nagsasalita na parang kulog, na nagdudulot sa lahat na makaramdam ng takot, samantalang ang nagkatawang-taong Diyos ay nagsasalita sa isang ordinaryo, normal, at napakatunay na paraan. Gumagawa rin ng mga pagkukumpara ang mga tao sa bagay na ito.) Ibig sabihin, ipinagkukumpara nila ang maraming sobrenatural na abilidad. Nilikha ng Diyos sa langit ang lahat ng bagay; ang Diyos sa langit ay nagsasalita na parang kulog; kaya ng Diyos sa langit na buhayin ang mga patay; nakikita ng Diyos sa langit ang simula hanggang sa kasalukuyan; nagsasalita ang Diyos sa langit, at ito ay nangyayari, nag-uutos Siya, at ito ay naitatatag; kaya ng Diyos sa langit na idulot na maglaho ang isang bagay, at lumikha ng isang bagay mula sa wala; kaya ng Diyos sa langit na gumawa ng iba’t ibang tanda at kababalaghan, at iba pa. Ipinagkukumpara ng mga tao ang lahat ng bagay na ito: kung ano ang ginagawa at sinasabi ng Diyos sa langit, ang kapangyarihan, awtoridad, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at disposisyon na ipinapakita Niya, pati na rin ang Kanyang pangingibabaw at pagiging omnipotente. Ano pa? Ang Diyos sa langit ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at Siya ang namamatnugot sa lahat ng bagay, at Siya rin ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos sa mga tadhana ng mga tao; naghahanda ang Diyos sa langit ng lahat ng uri ng kapaligiran para sa mga tao; sinisiyasat Niya ang lahat ng bagay, sinisiyasat ang buong lupa, at sinisiyasat ang bawat kilos at bawat salita at gawa ng mga tao, nalalaman kung ano ang iniisip at nararamdaman ng bawat tao. Naiisip man ang lahat ng gayong bagay sa mga kuru-kuro ng mga tao o mga bagay man ang mga ito na malalim na nadama ng mga tao, sa huli, pawang bahagi ang mga ito ng diwa na tinataglay ng Diyos sa langit at ilang aktuwal na penomena na kaya Niyang ipakita, na kayang isipin ng mga tao sa loob ng saklaw ng abilidad nilang makaunawa. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng pagkilos ng Diyos sa langit; sa partikular, ang mga ito ang kayang gawin ng Espiritu ng Diyos. Ang ilan sa mga aspektong ito ay tumutugma at may kaugnayan sa Espiritu ng Diyos, habang ang ilan ay nahahaluan ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Pero mga kuru-kuro at imahinasyon man ng mga tao ang mga ito o kung ano ang totoo sa Espiritu ng Diyos, sa huli, ang mga bagay na ito ay pawang bahagi ng pagsasabuhay, o ng diwa at mga pagbubunyag, na tinataglay at dinadala ng Diyos sa langit, at kaya Niyang makamit. Dahil mismo ang mga ito ang diwa, disposisyon, o kapangyarihan na tinataglay at dinadala ng Diyos sa langit, ang mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito ay may kaugnayan lang sa Espiritu ng Diyos—ibig sabihin, may kaugnayan ang mga ito sa likas na pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Ang diwa, disposisyon, o kapangyarihang tinataglay at dinadala ng Diyos sa langit na kayang isipin, maramdaman, o malaman ng mga tao ay pambihira at dakila kumpara sa nilikhang sangkatauhan, at lalo pang hindi ito maaabot ng sinumang tao na may mga katangian ng isang nilikha; nangingibabaw Siya sa lahat ng nilikha at di-nilikhang nilalang. Ang diwa at kapangyarihan na tinataglay at dinadala o ipinapamalas mismo ng nagkatawang-taong Diyos ay pawang likas sa Diyos; ang mga ito ay bahagi ng disposisyon ng Diyos o diwa ng Diyos na lagpas sa kayang isipin, malaman, o maarok ng lahat ng nilikha at di-nilikhang nilalang. Tungkol naman sa kung gaano ba talaga kadakila ang Diyos, kung gaano ba talaga kalaki ang kapangyarihan Niya, at kung gaano ba talaga Siya nangingibabaw sa lahat ng bagay, para sa nilikhang sangkatauhan, palagi itong magiging isang hindi malulutas na hiwaga. Imposibleng ganap na makilala ng mga tao ang Diyos; sadyang masyadong limitado ang nakikita nila. Isinasantabi ang bahagi tungkol sa mga hindi makatotohanang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos, at kung pag-uusapan lang ang tunay na kapangyarihan, awtoridad, at diwa na tinataglay ng Diyos, sadyang masyadong limitado ang kayang gawin, isabuhay, at ipamalas ng nagkatawang-taong Diyos. Para gumamit ng isang hindi angkop na metapora ng tao upang ilarawan ito, marahil ang isinasabuhay, ipinapamalas, at kayang gawin ng nagkatawang-taong Diyos ay isa lamang patak sa karagatan o dulo ng iceberg ng likas na pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at wala nang iba. Ibig sabihin, napakalimitado ng kayang isabuhay at ipamalas ng nagkatawang-taong Diyos tungkol sa pagkakakilanlan ng Diyos, sa disposisyong diwa ng Diyos, at sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay ang Diyos na namumuhay sa gitna ng mga tao sa anyo ng isang nilikhang tao, napakalimitado ng kaya Niyang gawin, at ng mga instinto at likas na kalikasan na kaya Niyang isabuhay. Kahit na Siya ang Espiritu ng Diyos na naisakatuparan sa laman at nananahan sa Kanya ang Espiritu ng Diyos, dahil ang laman na ito ay nasa anyo ng isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan, napakalimitado ng diwa ng Diyos at ng disposisyon ng Diyos na kaya Niyang isabuhay, ipamalas, at ipahayag. Ito ay isang dahilan. Sa kabilang banda, sa bawat pagkakataon na nagkakatawang-tao ang Diyos, isa itong hindi maiiwasang resulta ng mga pangangailangan ng gawain ng Diyos—ibig sabihin, isang hindi maiiwasang pangangailangan ng isang yugto ng gawain ng Diyos, na nangangahulugang kinakailangan ng yugtong ito ng gawain ng Diyos na magkatawang-tao ang Diyos, na ang ibig sabihin ay dapat magkatawang-tao ang Diyos para gawin ang yugtong ito ng gawain. Dahil kailangang magkatawang-tao ng Diyos, ginagawa Niya ang yugtong ito ng gawain sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao, at mayroong iba’t ibang aspekto ng disposisyon, diwa, at kapangyarihan ng Diyos na ipapahayag ng Diyos at kinakailangan para sa yugtong ito ng gawain. Anumang mga aspekto ng disposisyon, diwa, at kapangyarihan ang kailangan ng Diyos sa yugtong ito ng gawain, kapag nagkakatawang-tao Siya, isinasakatuparan Niya sa laman na ito ang disposisyon, diwa, at kapangyarihan ng Diyos na may kaugnayan sa mga pangangailangan ng yugtong ito ng gawain. Sa madaling salita, kayang makamit ng laman na ito ang anumang gawaing kinakailangan ng yugtong ito ng gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Halimbawa, kinakailangan ng yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ang paggawa sa gawain ng pagkastigo at paghatol. Kung gayon ay kayang ipahayag ng nagkatawang-taong Diyos ang poot ng Diyos, pagiging kapita-pitagan, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos; kaya Niyang ipahayag ang ganitong uri ng disposisyon, at kaya rin Niyang gawin ang ganitong uri ng gawain. Sa panahon ng pagkakatawang-taong ito ng Diyos, ang nakikita at nararanasan ng mga tao ay kinabibilangan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, poot ng Diyos, pagiging kapita-pitagan ng Diyos, at matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ang gawaing ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos ay ang gawain ng pagtubos, nagkakaloob ng biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan at nagpapatawad sa mga kasalanan ng mga tao, kung gayon, ang wangis ng Diyos na kinakatawan ng nagkatawang-taong Diyos ay puno ng habag at mapagmahal na kabaitan, puno ng pasensiya at pagpaparaya, at puno ng pagmamahal, at nagkakaloob din Siya ng saganang biyaya sa mga tao—ang mga ito ang malilinaw na katangian ng disposisyon at diwa ng Diyos sa yugtong iyon ng gawain. Samakatwid, alinman sa mga pagkakatawang-tao ng Diyos ito, imposible para sa mga tao na makita o makilala ang disposisyon at diwa ng Diyos sa langit nang komprehensibo. Halimbawa, isa sa mga katangian ng Panginoong Jesus na nakita ng mga mananampalataya sa panahon ng Kapanahunan ng Biyaya ay na mayroon Siyang napakalaking pagpaparaya, pasensiya, at pagpapatawad para sa mga tao, pati na rin ng saganang habag at mapagmahal na kabaitan. Samakatwid, maaaring maranasan ng ilang mananampalataya sa Panginoon ang pasensiya, pagpaparaya, at walang-hanggan, di-masusukat na pagmamahal na nagmula sa Diyos—ibig sabihin, ang habag at mapagmahal na kabaitan na nagmula sa Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangunahing katangian ng nagkatawang-taong Diyos na gumagawa ng gawain ng pagtubos ay habag at mapagmahal na kabaitan. Gayumpaman, sa yugtong ito ng gawain sa mga huling araw, dahil nilalayon ng nagkatawang-taong Diyos na lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao sa halip na patawarin ang mga kasalanan ng mga tao, ang nararanasan ng mga tao mula sa nagkatawang-taong Diyos sa yugtong ito ng gawain ay ang pagiging kapita-pitagan, poot, paghatol, at pagkastigo ng Diyos. Nakikita pa nga ng mga tao ang walang-awang panig ng Diyos, nakikita Siyang walang-awang humahatol at naglalantad sa mga tao—halos sa bawat pagkakataon na nagsasalita Siya, ang pangunahing nilalaman ay ang tuloy-tuloy, walang-tigil, at walang-pagod na paglalantad sa iba’t ibang tiwaling disposisyon, mga pagbubunyag ng katiwalian, at mga tiwaling kalagayan sa mga tao. Ang nakikita ng mga tao sa nagkatawang-taong Diyos sa pagkakataong ito ay ang pagiging kapita-pitagan at poot ng Diyos, ang di-pagkunsinti ng Diyos sa anumang pagkakasala, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos; ang nararanasan nila ay ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at mga pagsubok at pagpipino. Sa lahat ng sinasabi ng Diyos, nararanasan ng mga tao ang katuwiran, pagiging kapita-pitagan, at di-pagkunsinti ng Diyos sa anumang pagkakasala, at madalas din nilang nararamdaman ang galit, pagkamuhi, pagkasuklam, at pagtatakwil ng Diyos sa sangkatauhan, at maging ang Kanyang mga sumpa at pagkondena. Bagama’t lubos na may kakayahan ang nagkatawang-taong Diyos na katawanin ang Diyos Mismo, katawanin ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang diwa ng Diyos, dahil ang anyong ito ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay naiiba sa anyo ng likas na pagkakakilanlan ng Diyos, nalilimitahan Siya ng anyong ito ng laman at ng mga instinto ng anyong ito. Ang nakikita ng mga tao sa diwa ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, at sa kapangyarihan ng Diyos sa nagkatawang-taong Diyos ay limitado kumpara sa likas na pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Normal na normal ito. Dapat itong maunawaan ng mga tao, at hindi nila dapat pikit-matang ikumpara ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, at pagkatapos, kapag hindi nila Sila maitugma, ay labis na madismaya, husgahan at kondenahin Siya, itakwil ang Diyos, at itanggi ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang gawain ng Diyos, o ang diwa ng Diyos. Nagkakaroon pa nga ang ilang tao ng mga kuru-kuro dahil sa iisang usapin, sinusubukang itugma ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, at kapag hindi nila mapagtugma ang mga ito, nagiging negatibo at mahina sila, 0 ang ilan ay nag-iisip pa ngang sumuko sa pananampalataya nila. Isa itong napakahangal na pagpapamalas, at isa ring napakamangmang na pagpapamalas.

Pagdating sa Kanyang pagkakakilanlan at diwa, ang nagkatawang-taong Diyos ay may kaugnayan sa Diyos; taglay Niya ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Gayumpaman, dahil ang Kanyang anyong laman at ang mga katangian ng mismong laman ay may kaugnayan sa mga instinto ng nilikhang sangkatauhan at limitado sa saklaw ng mga instintong ito, anuman ang gawaing ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos sa pagkakataong ito, ang kaya Niyang gawin, ang kaya Niyang makamit, at ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos na kaya Niyang katawanin ay may kaugnayan lang sa Kanyang gawain at ministeryo sa pagkakatawang-taong ito. Kaya Niyang katawanin ang anumang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos na tumutugma sa Kanyang ministeryo at gawain sa pagkakataong ito. Kinakatawan ng gawaing gagawin sa pagkakataong ito ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at kinakatawan nito ang disposisyon ng Diyos. Anumang disposisyon ng Diyos ang dapat Niyang katawanin, anumang disposisyon ng Diyos ang dapat Niyang ipahayag, at anumang gawain ng Diyos ang dapat Niyang gawin, kakatawanin Niya ang nauugnay na disposisyon ng Diyos; magagawa Niyang katawanin ang nauugnay na disposisyon ng Diyos at gawin ang nauugnay na gawain na nilalayong gawin ng Diyos, pero imposible para sa Kanya na katawanin ang lahat ng ito. Ang gawaing ginagawa sa alinman sa mga pagkakatawang-tao ng Diyos ay sapat para katawanin ang disposisyong nilalayon ng Diyos na ipahayag sa pagkakatawang-taong iyon, at sapat din para ipahayag ang gawaing nilalayon ng Diyos na gawin sa pagkakatawang-taong iyon. Higit pa rito, ang disposisyong ipinapahayag ng Diyos at ang diwang ipinapamalas Niya ay hindi sumasalungat sa likas na pagkakakilanlan at diwa ng Diyos kahit kaunti, ni hindi Siya gumagawa ng anumang pagkakamali sa usaping ito. Dahil ang pagkakakilanlan at diwa ng nagkatawang-taong Diyos ay ganap na iisa sa likas na diwa ng Diyos o sa diwa ng Diyos sa langit, maging sa Kanyang mga salita, sa buhay na isinasabuhay Niya, o sa Kanyang gawain, o sa disposisyon, diwa, at iba pang aspekto ng Diyos na nakikita ng mga tao, ang nagkatawang-taong Diyos ay kapareho ng Diyos sa langit; Sila ay iisa. Kaya man Niyang katawanin ang Diyos sa Kanyang kabuuan o hindi, at makita man ng mga tao ang Diyos sa Kanyang kabuuan o hindi, sa madaling salita, ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa ay nagmumula sa Diyos sa langit. Kahit pa, sa iyong pananaw, hindi kayang katawanin ng nagkatawang-taong Diyos ang Diyos sa langit sa Kanyang kabuuan, ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa ay pagkakakilanlan at diwa pa rin ng Diyos Mismo. Kahit pa, pagkatapos Silang ipagkumpara sa loob ng maraming taon, hindi mo pa rin matuklasan ang anumang kaugnayan sa pagitan ng nagkatawang-taong Diyos at ng Diyos sa langit na kilala mo, hindi pa rin nagbabago ang pagkakakilanlan at diwa ng nagkatawang-taong Diyos, dahil isa itong katunayan. At ano ang katunayang ito? Ito ay na ang diwa ng nagkatawang-taong Diyos ay ang diwa ng Diyos sa langit, at hindi kailanman nagbabago ang Kanyang pagkakakilanlan dahil sa Kanyang diwa—ito ay ang pagkakakilanlan ng Diyos. Marahil tatlumpung taon na ang nakalipas, hindi maniniwala sa Akin ang karamihan sa mga tao kung sinabi Ko ito, pero pagkalipas ng tatlumpung taon, sa tingin Ko ay kalipikado Akong sabihin ito. Bakit Ko sinasabi iyon? Kung hindi nagawa ang tatlumpung taong ito ng gawain, at kung hindi naipahayag ang mga katotohanang ito, magiging medyo maaga pa para sabihing “kinakatawan ng nagkatawang-taong Diyos ang Diyos Mismo.” Ito ay dahil kung wala ang pagpapahayag ng mga salita ng Diyos, ang pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, kung sasabihin mong “kinakatawan ng nagkatawang-taong Diyos ang Diyos Mismo,” iisipin ng mga tao na hindi ka normal, o iisipin nilang labis kang mapaghimagsik. Pero sa napakaraming pagpapahayag ng mga salita ng Diyos, at sa napakaraming pagpapahayag ng disposisyong diwa ng Diyos at ng likas na pagkakakilanlan ng Diyos, sa tingin ba ninyo ay kalabisan na ang sabihing “kinakatawan ng nagkatawang-taong Diyos ang Diyos Mismo”? (Hindi.) Isa ba itong pagmamalabis? Hindi ba ito nararapat? (Hindi.) Hindi ito pagyayabang. Samakatwid, kung kaya bang katawanin ng nagkatawang-taong Diyos ang Diyos sa langit, kung taglay ba Niya ang disposisyon at diwa ng Diyos sa langit, at kung taglay ba Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos sa langit ay hindi mahuhusgahan sa Kanyang panlabas na anyo. Marahil ang Kanyang panlabas na anyo ay napakakaraniwan, at mukha Siyang napakaordinaryo at normal, binabalewala pa nga ng ilang tao; marahil wala Siyang mga katangian na higit sa karaniwan, ni anumang sobrenatural na pagpapamalas, lalong wala ng anumang tinatawag na mga natatanging katangian sa paningin ng tiwaling sangkatauhan, o anumang hinahangaan, tinitingala, o kinamamanghaan ng tiwaling sangkatauhan. Pero dahil ang gawaing ginagawa Niya, ang Kanyang diwa, at ang Kanyang disposisyon ay may kakayahang ipahayag ang disposisyon at diwa ng Diyos sa langit, matutukoy na ang Kanyang pagkakakilanlan ay pagkakakilanlan ng nagkatawang-taong Diyos, ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo.

Ipagpatuloy natin ang pagbabahagi tungkol sa paksa ng hindi pagkumpara sa nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit. Kababanggit lang natin na kapag nakakasalamuha ng karamihan sa mga tao ang nagkatawang-taong Diyos, gusto nilang ikumpara Siya sa Diyos sa langit. Matapos makapagbahagi hanggang sa puntong ito, sabihin ninyo sa Akin, angkop bang ipagkumpara Sila nang ganito? (Hindi.) Hindi ba’t paggawa ito ng isang malaking pagkakamali? (Oo.) Kahangalan ba ang paggawa ng pagkakamaling ito? Mayroon bang anumang masasamang kahihinatnan? (Mayroon.) Ano ang mga iyon? (Kapag nililimitahan ng mga tao ang Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, malamang na maghimagsik sila laban sa Diyos at lumaban sa Kanya, at malamang din na hindi nila tanggapin ang gawain ng Diyos o ang pagliligtas ng Diyos; napakalubha ng mga kahihinatnan.) Dapat mong tratuhin ang nagkatawang-taong Diyos nang makatwiran. Kaya ano ang dapat mong gawin para maging makatwiran? Dapat mong pagbulay-bulayan: Ano ang ibig sabihin na ang Diyos sa langit ay nagkatawang-tao ngayon para gawin ang Kanyang gawain? Sa ngayon, ang nagkatawang-taong Diyos ang may huling salita. Kaya Niyang katawanin ang Diyos sa langit nang may buong awtoridad para gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Samakatwid, kung mayroon kang anumang isyu o problema, dapat kang maghanap mula sa nagkatawang-taong Diyos. Dahil kaya Niyang katawanin ang Diyos sa langit, kaya Niyang lutasin ang mga problema mo; kaya Niyang katawanin ang Diyos sa langit sa paglutas ng mga problema sa buhay mo, ang mga problema sa pananampalataya mo sa Diyos, ang mga problema tungkol sa kaligtasan mo, at ang mga problema tungkol sa hantungan mo sa hinaharap at sa iyong tadhana. Sa kabilang banda, kung magdadasal at maghahanap ka sa Diyos sa langit, pero babalewalain mo ang Diyos na ito sa lupa, at babalewalain mo ang nagkatawang-taong Diyos, sige at tingnan mo kung makakatanggap ka pa rin ng malilinaw na tagubilin, malinaw na kaliwanagan at liwanag, at isang malinaw na landas ng pagsasagawa. Kung makakamit mo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-asa sa Diyos sa langit, talagang napakabuti niyon, at hindi mo na kakailanganing maghanap sa nagkatawang-taong Diyos. Pero kung, pagkatapos ng matagal na pagdarasal, paghahanap, at pagbaling sa Diyos sa langit, hindi ka pa rin nakakatanggap ng malinaw na liwanag, ng landas ng pagsasagawa, o ng malinaw na solusyon, ano ang dapat mong gawin? (Hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa loob ng mga salita ng Diyos.) Kung gayon ay wala nang ibang paraan; maaari mo lang hanapin ang mga salitang binigkas at ang gawaing ginawa ng nagkatawang-taong Diyos. Iwaksi mo ang iyong pagmamataas; hindi ka maililigtas ng labis na pagpapahalaga mo sa sarili, mapipinsala ka lang nito. Ang Diyos sa langit ay makapangyarihan sa lahat, mataas, dakila, pambihira, at higit sa lahat, pero hindi Siya maaabot ng sangkatauhan. Kapag nagsasalita Siya, hindi mo Siya mauunawaan o maririnig. Kung talagang kinausap ka ng Diyos, sadyang hindi ito makakayanan o matitiis ng mortal mong laman. Kaya ano ang dapat mong gawin? Dapat kang maghanap mula sa nagkatawang-taong Diyos, at tingnan kung anong mga salita ang binigkas ng nagkatawang-taong Diyos at anong gawain ang ginawa Niya sa lupa, at kung ano ang iba’t iba Niyang hinihingi sa iyo. Ang pagkaunawa sa mga bagay na ito ang pinakamahalaga. Huwag palaging magdasal at umasa sa Diyos sa langit, palaging naghihintay sa Diyos sa langit na bigyan ka ng mga paghahayag. Kung gagawin mo ito, babalewalain ka ng Diyos sa langit. Sinabi ng Diyos sa langit, “Gumagawa Ako ngayon ng gawain sa lupa, bumibigkas at nagsasalita. Maririnig at mauunawaan mo ang mga salitang sinasabi Ko, at malulutas ng mga salitang ito ang mga problema sa pagsasagawa mo at malulutas ang mga tiwali mong disposisyon.” Kaya ano ang dapat mong gawin? Hindi mo maaaring palaging hintayin na personal kang kausapin ng Diyos sa langit. Dapat kang “magpakumbaba” para lumapit sa harap ng nagkatawang-taong Diyos at lumapit sa harap ng Kanyang mga salita para hanapin ang katotohanan, upang makamit mo ang panustos at tulong. Ito ang tinatawag na pagkakaroon ng pagkamakatwiran; ito ang pagtrato sa nagkatawang-taong Diyos nang makatwiran. Sa isang banda, kapag nakikita mo ang panlabas na anyo at hitsura ng nagkatawang-taong Diyos o naririnig mo Siyang magsalita, huwag mo Siyang ikumpara sa Diyos sa langit; tratuhin mo lang Siya bilang isang ordinaryo, normal, at tunay na tao na kayang kumatawan sa Diyos. Sa kabilang banda, hindi mo kailangang kunin ang mga salitang sinasabi Niya, ang mga hinihingi Niya sa iyo, at ang mga tagubilin Niya sa iyo at siyasatin ang mga ito, pag-isipan nang mabuti, iberipika ang mga ito, talakayin ang mga ito, o isailalim ang mga ito sa pagpoproseso. Isagawa at ipatupad mo lang ang mga ito nang direkta, at magpasakop nang direkta; hindi na kailangang magdasal, maghanap, o magberipika sa mga ito sa Diyos sa langit nang lingid sa kaalaman ng nagkatawang-taong Diyos. Kung igigiit mong makakuha ng beripikasyon para mapanatag ang espiritu mo at maging handa ang puso mo bago ka magsagawa, magpatupad, at magpasakop, hindi ba’t malaking problema ito? (Oo.) Mayroon bang mga taong gumagawa nito? Karamihan sa mga tao na walo o sampung taon nang nananampalataya sa Diyos at ganap nang nakakatiyak tungkol sa Diyos sa kanilang mga puso ay hindi ginagawa ito; nakikita nilang masyado itong malaking problema. Palaging ang mga tao na wala pang tatlong taon na nananampalataya ang may tendensiyang gumawa nito. Paano sila nagdarasal sa Diyos sa langit? Sinasabi nila, “Diyos ko, pakiusap, hayaan Mo akong magpasakop sa Iyong nagkatawang-taong laman. Diyos ko, pakiusap, hayaan Mo akong magpasakop sa mga salitang sinasabi Mo sa lupa. Diyos ko, pakiusap, hayaan Mo akong magpasakop sa kung ano ang ipinapahayag Mo sa lupa. Diyos ko, pakiusap, tulungan Mo akong bitiwan ang mga kuru-kuro na mayroon ako tungkol sa Iyong nagkatawang-taong laman.” Kapag nagdarasal sila nang ganito, kanino sila nagdarasal? (Sa Diyos sa langit.) Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang pag-antig ng Banal na Espiritu ang mga tao na karaniwang nagdarasal nang ganito? Mayroon ba silang presensya ng Diyos? (Wala.) Wala sila ng mga ito, at hindi madali para sa kanila na makamit ito. Binibigyang-pansin ba ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi.)

Dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay laman, Siya ay isang ordinaryo at normal na Anak ng tao. Kapag pinag-uusapan ang isang ordinaryo at normal na Anak ng tao, nangangahulugan ito na taglay Niya ang mga instinto at likas na kondisyon ng isang ordinaryo at normal na tao, pati na rin ang personalidad, lawak ng mga damdamin, paraan ng pagpapahayag, at estilo ng pananalita ng normal na pagkatao. Ano pa? Isang paraan ng pag-iisip, isang estilo ng pamumuhay, at mga nakagawian sa buhay, pati na rin ang iba’t ibang pagpili ng normal na pagkatao tungkol sa lahat ng aspekto ng buhay. Ano ang kabilang sa mga pagpiling ito? Halimbawa, isang mas pinipiling kapaligiran ng pamumuhay, mga paboritong kulay, at ilang kagustuhan at pagpili tungkol sa mga pangunahing pangangailangan. Taglay ang panlabas na anyong ito, ang mga instintong ito, at mga likas na kondisyon ng normal na pagkatao, pati na rin ang iba’t ibang pagpapamalas na nasa saklaw ng normal na buhay ng tao, tiyak na masasabi na ang nagkatawang-taong Diyos ay isang ganap na pamantayan at normal na tao, isang ordinaryong miyembro ng nilikhang sangkatauhan. Sa usapin ng Kanyang mga katangian at anyo ng pag-iral, ang nagkatawang-taong Diyos ay ganap na naiiba sa Diyos sa langit, ibig sabihin, sa Espiritu ng Diyos; ang Kanyang panlabas na anyo ay ganap ding naiiba sa Espiritu ng Diyos. Sa panahon ng gawain ng nagkatawang-taong Diyos, ang ipinapamalas Niya at kaya Niyang gawin ay isang bagay na nakikita ng mga mata ng tao at naaarok ng mga isipan ng tao. Gayumpaman, ang pagkakilala ng mga tao sa disposisyon ng Diyos, diwa ng Diyos, at likas na pagkakakilanlan ng Diyos ay lubhang limitado. Dagdag pa sa katunayan na ang mga tao mismo ay nagkikimkim ng maraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, ang iba’t ibang pagpapamalas ng pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos ay nagdudulot ng ilang problema para sa mga tao. Halimbawa, ang mga salitang ginagamit Ko kapag nagsasalita Ako ay pang-araw-araw na wika, at madalas din Akong gumamit ng ilang kolokyalismo at bernakular. Pagkatapos ay ikukumpara Ako ng mga tao sa Diyos sa langit, sinasabi nila, “Ang Diyos sa langit ay dapat na magsalita nang mahusay at gumamit ng mga eleganteng salita. Bakit hindi elegante ang mga salitang ginagamit ng taong ito? Gumagamit pa nga Siya ng ilang kolokyalismo at bernakular na wika, at minsan ay gumagamit ng mga bokabularyo at pagpapahayag na may kaugnayan sa mga pang-araw-araw na pangangailangan.” Halimbawa, gusto Ko ang isang partikular na kulay, at may magsasabing, “Paanong gusto Mo ang kulay na ito? Ang kulay na ito ay hindi mukhang dalisay o banal! Hindi ba’t dapat ay puti ang gusto ng Diyos? Hindi ba’t dapat ay sky blue o berde ang gusto ng Diyos? Paanong gusto Mo ang kulay na ito? Hindi kinakatawan ng kulay na ito ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos!” Pagkatapos ay nagkakaroon siya ng mga kuru-kuro sa kanyang puso. Pero sinasabi Kong talagang gusto Ko ang kulay na ito—paano mo ito dapat harapin? (Dapat natin itong harapin nang tama.) Ang nagkatawang-taong Diyos ay may normal na pagkatao. Sa pamumuhay sa loob ng normal na pagkatao, kailangan Niyang makasalamuha ang lahat ng uri ng bagay na nasa saklaw ng isang normal na buhay ng tao. Kaya, tungkol sa mga pangunahing pangangailangan, mayroon Siyang Kanyang mga personal na kagustuhan. Ang mga kagustuhang ito ay maaaring tumugma sa mga kagustuhan ng Diyos na nasa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, o maaaring hindi. Paano kung hindi tumugma ang mga ito? Ikaw ba ang mali, o Ako ang mali? Sa tingin Ko ay hindi Ako mali, dahil may karapatan Akong piliin ang mga bagay na gusto Ko. Hindi Ko ipinilit ang mga ito sa iyo, ni hindi Ko sinabi na ang mga ito ang katotohanan at dapat mong tanggapin ang mga ito. Mayroon ka rin ng mga karapatan mo, at hindi Ako kailanman nakikialam sa mga ito. Hindi kita kailanman kinokondena sa pagkagusto sa puti o asul, kaya hindi mo rin Ako dapat kondenahin sa pagkagusto sa ibang mga kulay, hindi ba? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi iyan maaari. Ang kinakatawan Mo ay iba sa kinakatawan ko. Kinakatawan ko ang mga tiwaling tao, at kinakatawan Mo ang Diyos sa langit. Paanong magiging pareho iyon?” Kinakatawan Ko nga ang Diyos sa langit, pero hindi kinokondena ng Diyos sa langit ang mga kulay na gusto Ko. Iniisip mong banal ang puti, pero tingnan mo ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos sa langit—iba’t iba ang kulay ng mga ito. Ang mga bulaklak na nilikha ng Diyos ay may sari-saring kulay. Minsan ay mayroon pa ngang maiitim na ulap sa gitna ng iba pa sa kalangitan, at ang maiitim na ulap ay kulay abo. Sa tag-araw kapag masyadong mainit, sa sandaling harangan ng maiitim na ulap ang araw, nakakaramdam ka ng lamig at ginhawa, at nagpapasalamat ka sa Diyos para sa Kanyang biyaya. Hindi ba’t isa itong mabuting bagay? (Oo.) Sinasabi ng ibang mga tao, “Mabuti ang berde; ang berdeng nilikha ng Diyos ay kumakatawan sa buhay.” Mali ito. Tingnan mo ang mga butil na nilikha ng Diyos. Halimbawa, hindi ba’t iba’t iba ang kulay ng mais? Mayroong dilaw, puti, lila, at itim na mais. Masasabi mo ba na hindi kumakatawan sa buhay ang mais? Ang mais ay nilikha ng Diyos. Maaari itong mag-ugat, sumibol, mamulaklak, at mamunga. Organiko ito, at kumakatawan din ito sa buhay. Isa pa, berde ba ang lahat ng dahon ng puno? (Hindi, mayroon ding mga lila, dilaw, at pulang dahon.) Ang mga ito ay pawang mga kulay ng dahon; hindi ba’t kumakatawan ang mga ito sa buhay? (Oo.) Kaya, kapag sinasabi ng ilang tao na “kumakatawan sa buhay ang berde,” hindi ba’t mali sila? (Oo.) Kung gayon, angkop ba para sa ilang tao na sabihing “kumakatawan sa kadalisayan ang puti”? Hindi ba’t kalokohan ito? Ang puti ay mukha lang mas malinis at mas maliwanag nang kaunti; hindi ito kumakatawan sa kadalisayan. Kahit na magsuot ka ng mga puting damit sa buong buhay mo, hindi ibig sabihin niyon ay dalisay ka; isa ka pa ring tiwaling tao. Samakatwid, walang mga patakaran pagdating sa pagpili ng mga kulay. Nakabatay lang ito sa kulay ng balat, personal na kagustuhan, at personalidad ng isang tao, at siyempre sa panahon, klima, at temperatura. Ang puti ay isang kulay lang; hindi ito kumakatawan sa anumang bagay. Paano naman ang itim? Sinasabi ng ilang tao, “Kumakatawan ang itim sa kadiliman, kamatayan, at sa diyablo, kaya masama ang itim!” Sabihin ninyo sa Akin, mabuti bang kondenahin ang itim? (Hindi.) Minsan ay nagsusuot din Ako ng mga itim na damit, tulad ng isang itim na woolen overcoat, windbreaker, sweater, o pantalon, at sa taglamig, minsan ay nagsusuot Ako ng itim na scarf at itim na guwantes. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t kumakatawan ang itim sa kadiliman at kay Satanas? Paano Ka makakapagsuot ng mga itim na damit? Hindi ba’t kinakatawan Mo ang Diyos? Kung magsusuot Ka ng itim habang kinakatawan mo ang Diyos, hindi ba’t maling pagkakatawan iyon sa Kanya? Tiyak na hindi gusto ng Diyos sa langit ang itim.” Sinasabi Kong mali ka. Paano mo nalalaman na hindi gusto ng Diyos sa langit ang itim? Kailan mo narinig na sinabi ng Diyos na hindi Niya gusto ang itim? Nakatala ba ito sa Bibliya, o may isang mensahero ba na nagparating nito sa iyo? Tingnan mo ang mga itim na pagkain sa mga butil at legumbre, tulad ng black beans, itim na bigas, at itim na linga—hindi ba’t nilikha ng Diyos ang mga ito? (Oo.) Gustong kainin ng mga tao ang mga itim na pagkaing ito, at diumano ay nagpapalusog ang mga ito sa katawan. Isa pa, ang mga silkie chicken ay ganap na itim, at ang taglay na sustansya ng mga ito ay mas malaki kaysa sa taglay na sustansya ng mga ordinaryong manok. Mayroon ding mga dalag sa mga isda, mga itim na oso sa mga mammal, at mga uwak sa mga ibon—hindi ba’t itim ang mga ito? (Oo.) May mga itim na bato, mga taong may itim na buhok, at mga taong may itim na balat. Kapag may makintab na itim na buhok ang ilang tao, palagi nila itong ipinagmamalaki sa harap ng iba, sinasabing, “Tingnan ninyo kung gaano kaitim ang buhok ko; napakaganda nito!” Kapag dumarami ang mga puting buhok, nagsisimula silang mag-alala, pakiramdam nila ay tumanda na sila. Ano, kung gayon, ang kinakatawan ng puti? (Pagtanda.) Kinakatawan nito ang pagtanda, ang paghina ng mga paggana ng katawan, at maging ang pagtungo sa kamatayan. Habang dumarami ang mga puting buhok ng mga tao, mas nagiging mapanglaw, nasisiraan ng loob, at nababagabag sila, at ginugunita nila kung gaano kaganda ang magkaroon ng itim na buhok noong bata pa sila. Sa panahong ito, napagtatanto nila kung gaano sila kahangal sa pagsasabing “kumakatawan sa kabanalan ang puti,” at hindi na nila sinasabi na kumakatawan ang itim sa kadiliman, sa diyablo, at kay Satanas; hindi na sila nagsasalita nang pikit-mata batay sa kanilang mga kuru-kuro. Mauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito pagkatapos dumaan sa ilang karanasan, pero hindi kailanman nauunawaan ng ilang tao ang mga ito kahit na umabot na sila sa katandaan. Nagkikimkim ang mga tao ng mga kuru-kuro sa kanilang puso tungkol sa maraming bagay. Kapag naririnig nila ang sinasabi Ko, o nakikita nila kung ano ang gagawin Ko o kung anong mga pagpili ang ginagawa Ko, hindi nila mapigilang subukang ikumpara Ako sa Diyos sa langit, at nagkakaroon sila ng ilang kuru-kuro. Madalas silang magkaroon ng mga kuru-kuro lalo na tungkol sa mga bagay sa buhay na maaari nilang makasalamuha at makita. Nakikita mo, hindi mapigilan ng mga tao na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa pagpili ng mga kulay, at hindi man lang nila kayang harapin ang maliit na usaping ito nang makatwiran at gumawa ng tamang paghusga. Halimbawa, nakikita mo na ang mga damit na isinusuot ng mga madre at mongheng Budista ay kulay abo, kaya iniisip mo na kumakatawan ang kulay abo sa mga madre at mongheng Budista. Samakatwid, kung pipili Ako ng kulay abong pang-itaas para sa iyo, iisipin mo, “Hindi ba’t mga Kristiyano tayo? Hindi ba’t Ikaw ang nagkatawang-taong Diyos? Paanong nagagawa Mo pa ring piliin ang mga damit na kulay abo? Mga madre at mongheng Budista lang ang nagsusuot ng kulay abo! Paanong magsusuot ang mga mananampalataya sa Diyos ng kulay na isinusuot ng mga madre at mongheng Budista? Hindi ba’t itinutumbas tayo nito sa Budismo? Hindi Mo man lang iniiwasan ang ipinagbabawal na ito!” Sinasabi Ko, ano ba ang dapat iwasan? Ang lahat ng kulay ay nilikha ng Diyos. Mayroon Akong sarili Kong mga dahilan para sa anumang kulay na gusto Ko, at higit pa rito, tiyak na mabuti ito para sa iyo at kapaki-pakinabang sa iyo. Palagi mong iniuugnay ang mga monghe at madre sa kulay abo, o sa mga mananampalataya sa Diyos, o sa iyong sarili—problema mo iyan. Hindi Ko ito iniisip sa ganoon kakomplikadong paraan. Ang pag-iisip nang ganoon ay nangangahulugang hindi ka makatwiran. Tinitingnan mo ang kulay na ito mula sa perspektiba ng iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, nagdagdag ka ng sarili mong kahulugan sa kulay na ito, at binigyan mo ng kahulugan ang kulay na ito sa isang baluktot na paraan. Sa huli, nililimitahan mo ang iyong sarili sa pagkagusto lang sa puti at pagsusuot lang ng puti. Pero kapag nakikita mong puno ng puting buhok ang ulo mo, namumutla ang balat at kutis mo, o nagkakaroon ka ng vitiligo, nagiging malungkot ka, at hindi mo na sinasabing gusto mo ang puti, ni hindi mo sinasabing kumakatawan sa kadalisayan ang puti. Ang mga tao ay punung-puno pa nga ng mga kuru-kuro tungkol sa kung anong mga kulay ang gusto at pinipili ng nagkatawang-taong Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t malaking problema ito? Napapaisip Ako: Naunawaan ba talaga ng mga taong ito ang maraming katotohanan na ibinahagi Ko? Kung hindi man lang nila maunawaan ang maliit na usaping ito, mauunawaan ba nila ang katotohanan, na napakakomplikado? Nagdududa Ako kung talagang nauunawaan nila ang katotohanan. Mahirap sabihin, hindi ba? (Oo.) Nauunawaan lang nila ang ilang doktrina pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan, gayumpaman ay pikit-mata pa rin silang naglalapat ng mga patakaran at humuhusga ng ilang bagay sa tunay na buhay. Hindi ba’t ito ang pagkabaluktot ng mga tao? (Oo.)

Sabihin ninyo sa Akin, paano dapat tingnan at unawain ng mga tao ang iba’t ibang kulay? Tingnan ninyo ang mundong ito ng mga tao: Ang mga bagay at buhay na nilalang na nakikita ng mga tao gamit ang mga mata—gumagalaw man o nakapirmi—ay may iba’t ibang kulay, at lahat ng ito ay nilikha ng Diyos. Ang mga isda, ibon, mabangis na hayop, herbivore, manok, at alagang hayop ay may iba’t ibang kulay; ang mga bungang namumunga sa mga puno at sa lupa ay may iba’t ibang kulay. Ano ang naunawaan mo mula sa saganang mga kulay na ito? Nilikha ng Diyos ang mga kulay ng iba’t ibang nakapirming bagay para magbigay ng angkop na kapaligiran ng pamumuhay para sa nilikhang sangkatauhan; ang mga kulay na ito ay kapaki-pakinabang sa mga mata at pandama ng mga tao, pati na rin sa pananatiling buhay ng buong katawan nila. Isinaalang-alang ng Diyos ang lahat ng ito. Para sa Diyos, mayroong partikular na dahilan sa paggamit ng isang partikular na kulay, o sa pagdidisenyo ng anyo at laki ng isang bagay, pati na rin sa mga nakagawian at gawi nito sa pamumuhay; walang mga patakaran sa Diyos. Bukod sa hindi sumusunod ang Diyos sa mga patakaran sa paglikha ng lahat ng bagay, mayroon ding pinakapangunahing prinsipyo: Kung huhusgahan mula sa mga kulay, anyo, nakagawian sa pamumuhay, at mga paggana ng mga ito, pati na rin sa papel na ginagampanan ng bawat isa sa lahat ng bagay, ginagawa ng lahat ng ito na angkop ang mga tao na mabuhay sa gayong kapaligiran, at binibigyang-kakayahan ang mga tao na makakuha ng iba’t ibang sustansya na kailangan nila mula sa iba’t ibang pagkain; nilikha ang mga ito batay sa mga bagay na ito. Dahil masyadong hamak ang mga tao at limitado ang nakikita nila gamit ang kanilang mga mata, sa loob ng saklaw ng nakikita nila gamit ang kanilang mga mata, nililimitahan nila ang Diyos bilang ganito o ganyan, at iniisip nila na dapat kumilos ang Diyos sa ganito o ganoong paraan. Halimbawa, sa mga imahinasyon ng mga tao, karaniwang lumilitaw si Satanas mula sa kadiliman, kaya iniisip ng mga tao, “Masama ang itim. Hindi gusto ng Diyos ang itim; hindi lumilikha ang Diyos ng mga itim na bagay.” Mali na mag-isip ka nang ganito! Maraming itim na bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Halimbawa, ang ilang pagkain, tulad ng black beans at itim na linga, ay itim, pero kapaki-pakinabang ang mga ito sa katawan ng tao. Isa pa, itim ang mga kulay ng ilang ibon at hayop, at bumubuo pa nga ang mga ito sa ilang species na protektado ng estado. Samakatwid, mali para sa iyo na tukuyin kung mabuti o masama ang isang bagay batay sa kulay nito. Ang pagpili ni Satanas sa itim ay hindi nagpapatunay na masama ang itim, ni hindi ito nagpapatunay na ang itim ay isang bagay na hindi gusto o kinokondena ng Diyos. Kung gayon, bakit pinipili ni Satanas ang itim? Dahil buktot at malupit si Satanas, hindi nito matitiis ang liwanag, at gusto nitong itago ang sarili nito sa kadiliman. Sa pamamagitan ng pagtatago ng sarili nito sa kadiliman, saka lamang nito maiiwasang matuklasan ng mga tao. Pinipili nito ang itim para mas madaling magtago, manlinlang, gumawa ng masasamang bagay, at gumawa ng kasamaan. Pero hindi mo makokondena ang itim dahil lang sa pinipili ito ni Satanas. Kung ikukumpara sa puti, ang itim ay mas nagpapadali lang para kay Satanas na magtago, at ginagamit ito ni Satanas, kaya mas gusto ni Satanas ang itim. Dahil ang Diyos ay liwanag, madalas Siyang naglalakad sa liwanag, nagsasalita sa mga tao sa liwanag, at nagpapakita sa mga tao sa liwanag. Namumuhay ang Diyos sa liwanag, at palaging pinipili ng Diyos ang puting liwanag. Kaya iniisip ng mga tao, “Hindi gusto ng Diyos ang ibang mga kulay; puti lang ang gusto ng Diyos.” Hindi ba’t mali ang pananaw na ito? (Oo.) Tingnan mo ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—iba’t iba ang kulay ng mga ito. Kaya, saan nagmumula ang lahat ng iba’t ibang kulay na ito? Lahat ng ito ay nagmumula sa mga kaisipan ng Diyos. Kung kinokondena mo ang iba’t ibang kulay na nagmumula sa mga kaisipan ng Diyos, anong uri ng problema ito? Hindi ba’t paghihimagsik ito? (Oo.) Malaking kahangalan ito! Kung makakasalamuha, makikita, o maririnig mo ang mga pagpapamalas ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos, dapat harapin mo nang tama ang mga ito. Hangga’t hindi naaapektuhan o nahahadlangan ng mga ito ang pagtanggap mo sa katotohanan, hindi mo dapat palakihin ang mga bagay na ito, saliksikin at suriin ang mga ito, pagkatapos ay palalain pa, at sa huli ay magkaroon ng mga kuru-kuro, at manghusga, kumondena, lumaban, at magtaboy sa nagkatawang-taong Diyos. Magiging maling-mali iyon! Ang gayong mga tao ay walang konsensiya at katwiran.

Dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay isang ordinaryo at normal na tao, mayroon Siyang Kanyang nakatakda at normal na saklaw ng buhay, mga nakagawian sa pamumuhay, at maging ng mga estilo ng pamumuhay, pati na rin ng lahat ng iba’t ibang pagpili, pagkompromiso, at lawak ng mga damdamin na nauugnay sa buhay ng tao. Tungkol sa normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos, sa isang banda, dapat itong harapin nang tama ng mga tao mula sa isang makatwirang perspektiba; sa kabilang banda, dapat silang magkaroon ng tamang pagkaunawa rito. Kung magkakaroon ka ng mga kuru-kuro dahil nakikita, naririnig, o nakakasalamuha mo ang ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos tungkol sa Kanyang buhay at normal na pagkatao, ang pinakasimpleng paraan para matiyak na hindi nito maaapektuhan ang buhay pagpasok mo o ang pagtanggap mo sa mga salita ng Diyos ay ang hindi subukang ikumpara ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit. Ang nagkatawang-taong Diyos ay namumuhay sa normal na pagkatao; mayroon Siyang Kanyang kalayaan, mayroon Siyang ministeryo na dapat Niyang gampanan, at mayroon din Siyang normal na buhay ng tao. Dapat mo itong harapin nang tama. Nakikita mo, ang ikatlong yugto ng gawain ng Diyos para iligtas ang mga tao ay nangangailangan ng pagpapahayag ng maraming katotohanan. Kapag nagbabahagi tungkol sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, gumagamit Siya ng pang-araw-araw na wika, madalas na isinasama ang mga kolokyalismo, bernakular na wika, at mga lokal na diyalekto, at minsan ay gumagamit ng mga espesyal na paraan ng pagpapahayag. Hangga’t ang mga salitang sinasabi ay pawang katotohanan, at pawang mga katotohanan na dapat mong maunawaan at pasukin, dapat kang magpasakop; sa ganitong paraan, makakamit mo ang kaligtasan. Kung palagi kang naghahanap ng butas, palaging sumisiyasat, at palaging may mga pagdududa, hindi mo makakamit ang katotohanan, at mapapalampas mo ang mahalagang pagkakataon ng pagliligtas ng nagkatawang-taong Diyos sa mga tao. Kaya, paano mo dapat harapin nang tama ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos? Una, dapat mayroon kang katwiran, dapat kang matutong magpasakop sa gawain ng Diyos, dapat kang tumuon sa mga nararapat mong gampanin at tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at dapat kang tumuon sa paglutas ng mga tiwali mong disposisyon para makamit mo ang kaligtasan. Ito ang pinakamahalagang bagay. Hindi mo na kailangang siyasatin ang Diyos buong araw. Gaano man karami ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo, ang mga ito ay hindi ang katotohanan. Maaari kang kumapit sa mga kuru-kuro mo habambuhay at hindi mo pa rin makakamit ang katotohanan, kailangan mo pa ring pumunta sa impiyerno sa huli. Sa sandaling matalos mo ang mga isyung ito, makakapasok ka sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at mabibitawan mo ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Una, tingnan mo kung may katotohanang hahanapin sa mga salitang ito. Kung naglalaman ang mga salitang ito ng katotohanan at ng mga layunin ng Diyos, at kaya ka nitong bigyang-kakayahan na maunawaan ang isang aspekto ng mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay dapat maging mas malawak ang isip mo; huwag mong pagkaabalahan ang bawat detalye, huwag maging makitid ang isip mo, at huwag kang magpaapekto rito. Ano ang dapat mong isipin sa iyong puso? “Bagama’t ang nagkatawang-taong Diyos ay isang ordinaryong tao na may normal na pagkatao, kaya Niyang ipahayag ang katotohanan, at kaya Niyang katawanin ang Diyos. Kahit na mayroon tayong kaunting pinag-aralan at nakakapagsalita tayo nang mahusay, hindi natin kayang ipahayag ang katotohanan, ni hindi natin kayang ipahayag ang disposisyon ng Diyos at ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ni hindi natin kayang ibahagi nang malinaw ang mga katotohanang prinsipyo. Gaano man karami ang kaalaman natin o gaano man kataas ang katayuan natin, hindi ibig sabihin niyon ay taglay natin ang katotohanan, ni hindi natin kayang katawanin ang Diyos. Bagama’t nagsasalita ang nagkatawang-taong Diyos sa pang-araw-araw na wika na simple at madaling maunawaan, ang mga salitang sinasabi Niya ay pawang katotohanan. Kaya rin Niyang ibahagi nang lubusan ang mga katotohanang prinsipyo at lutasin ang iba’t ibang problema ng mga tao. Sapat na ito. Hindi ba’t nananampalataya ang mga tao sa Diyos para makamit ang katotohanan? Hindi ako dapat palaging maghanap ng butas at sumubok na maghanap ng mali; iyon ay pagpapabaya sa mga nararapat kong gampanin.” Kung taglay mo ang saloobing ito, mauunawaan mo ang katotohanan kapag nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos, at mahahangad mo ang katotohanan. Kung hindi mo taglay ang saloobing ito, at hindi mo hinahanap ang katotohanan at palagi kang naghahanap ng butas sa mga salita kapag nakikinig sa mga sermon, at palagi kang may mga kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng nagkatawang-taong Diyos, maaapektuhan nito ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Palaging ikinukumpara ng ilang tao ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, palaging nagtatanong, “Bakit hindi isang espirituwal na katawan ang nagkatawang-taong Diyos? Bakit hindi nagsasalita ang laman nang may boses na parang kulog tulad ng Diyos sa langit?” Naniniwala rin sila na imposibleng ang nagkatawang-taong Diyos ang tunay na Diyos na nagpapahayag ng mga pagbigkas at nagsasalita. Naniniwala sila na ang mga kilos ng tunay na Diyos ay dapat na humigit sa mga imahinasyon ng mga tao—kung nagsasalita Siya na parang isang normal na tao lang, paanong iyon ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Sadyang hindi nila pinagbubulayan, “Kaya ba ng isang tao na ipahayag ang katotohanan? Kaya ng nagkatawang-taong Diyos na ipahayag ang napakaraming katotohanan; isa ba itong bagay na makakamit ng isang tao? Hindi maraming tao ang nakakakita rito nang malinaw. Ang pagpapahayag ng Diyos ng napakaraming katotohanan ang pinakadakilang bagay na ginawa ng Diyos sa sangkatauhan, at isa itong bagay na hindi makakamit ng sinumang tao.” Para maunawaan ng mga tao, kapag nagbabahagi Ako tungkol sa katotohanan, dapat Ko itong ibahagi sa paraang payak at madaling maunawaan; dapat Akong magsalita nang detalyado, sabihin ang mga bagay-bagay nang paulit-ulit, at magbigay rin ng mga halimbawa. Nagiging sanhi ito para magkaroon ng mga kuru-kuro ang maraming tao. Kung talagang nagbahagi Ako sa isang pangkalahatang paraan, ilang tao ang makakaarok sa sinasabi Ko? Walang kahit isang tao ang makakaarok dito, pangunahin na dahil masyadong mababa ang tayog ninyo. Ipinapaliwanag Ko ang mga bagay-bagay nang napakadetalyado, napakadetalyado na nagiging maligoy na ito, at maging Ako Mismo ay nagsasawa na rito at ayaw Ko nang patuloy na pag-usapan ito, pero hindi pa rin makuha ng ilang tao ang sinasabi Ko, at iniisip nila, “Bakit hindi magbigay ng ilan pang halimbawa?” Nagsalita na Ako hanggang sa punto na nagsasawa na Ako rito at ayaw Ko nang magpatuloy, kaya bakit hindi mo pa rin ito makuha? Nagpapatunay iyon na wala kang utak ng tao, wala kang abilidad na maarok ang katotohanan, at gaano man karaming detalye ang sabihin Ko, hindi mo pa rin ito mauunawaan. Ang pagbabahagi nang ganito, nagsusumikap na matiyak na sinumang may kaunting abilidad na makaarok ay makakaunawa at magkakaroon ng landas ng pagsasagawa, ay tiyak na magiging medyo maligoy. Bukod pa rito, limitado ang lakas at iba pang aspekto ng normal na pagkatao. Lalo na kapag nagbabahagi tungkol sa katotohanan, napakahirap ipahayag sa mga salita ang ilang bagay, at masyadong kulang ang wika ng tao. Samakatwid, minsan ay napakahirap hanapin ang tamang salita sa loob ng dalawa o tatlong segundo, at maaari lang Akong gumamit ng isang salita na halos katumbas nito para makamit ang kaunting epekto, at sapat na iyon. Pero sa tuwing nagbabahagi Ako, nagsusumikap Akong matiyak na ang mga salitang ibinabahagi Ko ay maaaring umikot sa isang paksa, upang magkaroon kayo ng pag-unawa sa aspektong ito ng katotohanan, at sa huli ay magkaroon ng landas na susundin kapag nakasalamuha ninyo ang lahat ng uri ng bagay sa aktuwal ninyong karanasan. Lubha itong kapaki-pakinabang sa karanasan ninyo sa buhay. Bagama’t ang pagsasalita nang ganito kadetalyado ay nagpapamukha sa Akin na maligoy, kapag nakasalamuha ninyo ang ganitong mga uri ng problema, hindi kayo makakaramdam ng pagkaligaw—magkakaroon kayo ng landas na susundin. Hindi na kayo mamumuhay sa gitna ng mga salita at doktrina, kundi sa halip ay magkakaroon kayo ng isang praktikal na landas, isang praktikal na batayan, at mga praktikal na katotohanang prinsipyo na maaari ninyong itugma sa mga sitwasyong nakakasalamuha ninyo para lutasin ang mga problema ninyo. Samakatwid, ginagawa Ko ang Aking buong makakaya para gawin kung ano ang makakamit ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos, at ginagawa Ko ang Aking buong makakaya para sabihin ang lahat ng naiisip Ko. Kapag nagsalita Ako hanggang sa punto na sinasabi ninyong nakakaunawa kayong lahat at hindi Ko na kailangang magbahagi pa, titigil na Ako sa pagsasalita; talagang ayaw Kong patuloy na magsalita nang ganoon kahaba.

Nakikita mo, ang Diyos sa langit ay simpleng magsalita. Halimbawa, sinabi ng Diyos na si Jehova kay Moises, “Moises, halika, may sasabihin Ako sa iyo.” Mabilis na lumuhod si Moises, sinabi ng Diyos sa kanya ang ilang bagay na ipoproklama, at ipinroklama ang mga ito ni Moises ayon sa mga tagubilin ng Diyos na si Jehova. Ngayon, kung sasabihin sa iyo ng nagkatawang-taong Diyos ang ilang bagay at hihilingin sa iyo na gawin ang mga ito, sa panahon ng iyong pagsasagawa, magbubunyag ka ng lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon. Sa panahong ito, magkakaroon ka ba ng mga prinsipyo ng pagsasagawa at isang landas ng pagsasagawa? (Hindi.) Hindi ka magkakaroon ng mga ito. Kaya, nakikita mo na simpleng magsalita ang Espiritu ng Diyos, pero kapag gumagawa at nagsasalita ang Espiritu ng Diyos ng ilang salita, iyon ay kapag gumagawa lamang ng ilang espesyal at iisang bagay sa mga espesyal na okasyon at sa mga espesyal na konteksto kaya wala Siyang pagpipilian kundi gawin iyon. Gayumpaman, ang gawaing ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos ay kongkreto at komprehensibo. Hindi ito tulad ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi ng ilang bagay para bigyan ang mga tao ng mga paghahayag, o nagsasabi ng ilang bagay para maglabas ng isang utos o magpahayag ng isang propesiya, at pagkatapos ay magtatapos na pagkatapos magawa ang simple at iisang aytem na ito ng gawain. Ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos ay magsalita sa loob ng mahabang panahon. Ang pagbabago ng mga disposisyon ng mga tao at ang pagwawaksi ng kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi mga bagay na maisasakatuparan sa pamamagitan lang ng simpleng pagsasabi ng ilang bagay. Dahil napakalalim nang nagawang tiwali ang sangkatauhan, at napakalalim nang nakatanim sa mga tao ang iba’t ibang lason at disposisyon ni Satanas, para ganap na malinis ang katiwalian ng mga tao, dapat gumawa ng kongkretong gawain ang nagkatawang-taong Diyos, magsalita ng mga kongkretong salita, at ipahayag ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan na hinihingi para matamo ng mga tao ang kaligtasan. Sa pamamagitan ng paggawa nang ganito sa loob ng napakahabang panahon kaya ang mga salitang Kanyang sinasabi at ang gawaing Kanyang isinasakatuparan ay tila napakakongkreto, at marahil pa nga—sa paningin ng mga tao—ay napakahaba at napakatagal. Batay sa kanilang mga kuru-kuro, iniisip ng mga tao, “Naku, ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi kasingbilis ng kidlat sa Kanyang gawain, ni hindi Niya mabilis na nilulutas ang mga bagay-bagay. Nagsasalita Siya nang napakadetalyado at napakarami Niyang sinasabi; medyo mahaba Siyang magsalita. Tinatrato Niya ang mga tao na parang tatlong taong gulang ang mga ito!” Dahil sa iyong tayog, hindi Ko iniisip na ikaw ay nasa antas man lang ng isang tatlong taong gulang—marahil ay nasa antas ka ng isa o dalawang taong gulang, o baka nasa antas pa nga ng isang sanggol. Ang pagtrato sa iyo bilang tatlong taong gulang ay pagtataas pa talaga sa iyo. Kapag nagsasalita ang Diyos na parang kulog mula sa langit para magsabi ng mga bagay sa mga tao, anong uri ng mga tao ang Kanyang kinakausap? Kinakausap Niya ang Kanyang mga sugo at ang mga taong ginagamit Niya. At anong grupo ng mga tao ang kinakaharap ngayon ng nagkatawang-taong Diyos? Kinakaharap Niya ang tiwaling sangkatauhan, ang sangkatauhang nilalayon Niyang iligtas, sa halip na makipag-usap at gumawa sa mga partikular na indibidwal. Ang kalikasan ng gawaing ginagawa ng Espiritu ng Diyos at ang ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos ay ganap na magkaiba. Ang Espiritu ng Diyos ay hindi kailanman makakapamuhay kasama ng tiwaling sangkatauhan. Ang nagkatawang-taong Diyos lamang ang makakapamuhay kasama ng mga tao, at walang-pagod na patuloy na makakapagsalita at makakagawa sa tiwaling sangkatauhan nang ganito. Ang nagkatawang-taong Diyos ay pumaparito sa kalagitnaan ng mga tao at namumuhay kasama nila. Dahil namumuhay Siyang kasama nila, pinangangasiwaan Niya ang lahat ng bagay. Ano ang ibig sabihin ng pangangasiwa sa lahat ng bagay? Ibig sabihin, ang mga isyung kinasasangkutan ng pag-asal, pamumuhay, pagtatrabaho, at paggampan ng mga tao sa kanilang mga tungkulin, at ang landas na kanilang nilalakaran, pati na rin ang mga isyung kinasasangkutan ng kaligtasan ng mga tao, kung paano tinatrato ng mga tao ang Diyos, at kung paano nakikilala ng mga tao ang Diyos, ay dapat na malutas lahat. Noong huling beses na nagkatawang-tao ang Diyos, iyon ay para maipako sa krus para tubusin ang mga tao mula sa kasalanan. Sa pagkakataong ito, nagkatawang-tao ang Diyos para lutasin ang ugat ng makasalanang kalikasan ng mga tao. Kaya hinihingi sa yugtong ito ng gawain na magsalita ang Diyos ng maraming salita at magpahayag ng maraming katotohanan, at ang tagal ng gawain ng Diyos ay dapat ding umabot nang mas mahabang panahon. Hindi makakapamuhay ang Espiritu ng Diyos kasama ng sangkatauhan, dahil ang mga katangian ng sangkatauhan ay naiiba sa mga katangian ng Espiritu ng Diyos at sa likas na pagkakakilanlan ng Diyos. Walang paraan para mamuhay sila nang magkasama. Kaya, para sabihin ito sa paraang medyo hindi naaangkop, tinitingala mo ang Diyos sa langit, pero ang Diyos sa langit ay isang espirituwal na katawan, at hindi Niya palaging masasamahan ang sangkatauhan. Kapag nagkatawang-tao ang Diyos at naging isang karaniwang tao, saka lang Niya masasamahan ang sangkatauhan sa ganitong paraan. Madali itong maunawaan kapag sinabi sa ganitong paraan, hindi ba? (Oo.) Ang nagkatawang-taong Diyos ay namumuhay kasama ng sangkatauhan, walang-pagod na nagsasalita at gumagawa nang ganito taon-taon. Namumuhay ang nagkatawang-taong Diyos kasama ng mga tao, at ang mga nasa paligid Niya na nakakasalamuha Niya ay malamang na nakaranas na ng ilang bagay: Nilutas Niya ang lahat ng problema tungkol sa mga pangunahing pangangailangan na kailangang malutas para sa mga tao, at marami rin Siyang ginawa na higit pa sa gawaing dapat Niyang gawin, kabilang ang paggawa ng mga pelikula, pagrerebisa ng mga iskrip, pagdidirek ng mga video, pagsusulat ng mga linya, pagsusulat ng mga iskrip sa interbyu, at pagrerebisa ng mahahalagang artikulo. Ginawa Ko ang lahat ng gawaing ito na sa orihinal ay hindi Ko naman dapat ginawa. Ang paggawa sa sobrang gawaing ito ay nakakapagod sa Aking katawan at isipan, dahil dito ay hindi Ako makapagpahinga, at naantala pa nga ang Aking pangangaral ng mga sermon. Nakikita ng maraming tao ang mga bagay na ito pero wala silang pakiramdam sa mga ito. Walang-pagod Akong nagsasalita at gumagawa, pero karamihan sa mga tao ay nagkukulang pa rin at hindi masyadong nakakaunawa. Nakikita Ko na ang sangkatauhang ito ay talagang nakakaawa, talagang hamak, at talagang ignorante. Anuman ang kasarian o edad, walang silbi ang mga tao. Kung sinabi Ko ito bago Ko ginawa ang gawaing ito, baka inisip mo, “Hindi ba’t umaasal Ka nang napakamapagmataas? Minamaliit Mo kami.” Pero pagkatapos makasalamuha ang mga taong ito sa loob ng maraming taon, bumubuntong-hininga Ako mula sa kailaliman ng Aking puso, “Kayong mga tao ay talagang nagbigay sa Akin ng labis na pasakit! Mahina ang inyong kakayahan, at matindi ang inyong paghihimagsik. Talagang hindi Ko kayo minamaliit.” Ako ang pinakahindi namumukod-tangi at pinakahindi kapansin-pansin sa inyo, at maging sa pananalita, hitsura, tangkad, o kaalaman, nakikita ninyo na mas mababa Ako sa inyo, pero sa pamamagitan ng Aking aktuwal na pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa inyo sa nakalipas na mga taon, ano ang tanging bagay na masasabi Ko? Bukod sa katunayan na ang landas na pinili ninyong lakaran sa pagsunod sa nagkatawang-taong Diyos ay tama, wala na kayong taglay na iba pa. Kayo ay mga hungkag na balat lamang na walang buhay realidad. Tungkol naman sa inyong buhay bilang tao, sadyang lubha itong wala sa ayos at ganap na magulo. Karamihan sa mga tao ay walang tunay na kasanayan o tunay na kaalaman, hindi alam kung paano mamuhay, hindi alam kung paano pamahalaan ang kapaligiran o pamahalaan ang mga hayop, at hindi alam kung paano asikasuhin ang kanilang personal na kalinisan. Sa lahat ng ginagawa nila, sila ay walang mga pamamaraan, magulo, at hindi nila alam kung paano simulan o tapusin ang mga bagay-bagay. Mahina rin ang kanilang karakter. Wala silang seryoso, responsable, mahigpit, at metikulosong saloobin sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kumikilos lang sila nang pabasta-basta para maging palamunin, iniraraos lang ang bawat araw. Gayumpaman, ang mga taong ito ay pawang may mga labis na pagnanais, pakiramdam nila ay nakahihigit sila sa iba, at gusto nilang mamahala at mag-utos sa iba na gumawa ng mga bagay-bagay, pero sa kasamaang-palad, wala ni isa man sa kanila ang may abilidad na iyon. Ayaw Kong maging tagapamahala na nag-uutos, ni hindi Ko rin gustong maupo sa mataas na posisyon para mag-utos at magsabi sa mga tao kung ano ang gagawin. Gusto Ko lang gumawa ng aktuwal na gawain, ginagawa ang bawat trabaho nang malinis at episyente, sistematikong ginagawa ang mga ito nang mabuti, at inaako ang responsabilidad para sa mga ito nang may sukdulang kaseryosohan hanggang sa huli. Pero karamihan sa mga tao ay talagang wala ng mga katangiang kinakailangan para dito. Hindi nila kayang pasanin ang responsabilidad na ito, at wala silang mga kasanayan o kakayahan para mag-utos. Kailangan Kong sabihin na hindi ninyo kayang pamahalaan o panatilihin ang kapaligiran. Mayroon Akong isang partikular na balangkas at isang partikular na plano sa Aking isipan, kaya sinasabi Ko sa inyo ang Aking plano. Sinasabi Ko sa inyo kung paano gumawa, kung paano isaayos ang mga bagay-bagay, kung saan magtatanim ng mga puno, kung saan maglalagay ng damo, kung ano ang itatayo at kung saan, kung saan angkop na ilagay ang ilang bagay, at kung paano pamahalaan ang ilang bagay, at pagkatapos ay hahayo kayo at gagawin ito—iyon lang ang kailangan. Kapag tapos na kayo, nakikita ng lahat na ang nagawa ay talagang mukhang napakaganda. Nakasalamuha Ko na ang mga taong ito sa loob ng lima o anim na taon, at ang mga kasanayan at kakayahan nila ay pawang nalantad na. Alam Ko na ngayon na ang mga miyembro ng sangkatauhang ito ay malamang na ganito lahat. Bagama’t hindi Ako namuhay kasama ng hinirang na mga tao mula sa lahat ng iba’t ibang bansa, ang inyong aktuwal na sitwasyon ay dapat na halos kapareho ng sa hinirang na mga tao ng Diyos sa mga iglesia ng mga Tsino sa US. Nakikisalamuha Ako sa mga taong ito, kaya sa huli ay nakakakuha sila ng kaunting karagdagang pakinabang at natatamasa nang kaunti ang Aking pabor. Kayo ay nasa malayo, at hindi Ko kayo makasalamuha, kaya maaari lang ninyong hangarin ang katotohanan. Pareho lang ang resulta.

Sa pagkakatawang-tao para gumawa ng gawain sa panahong ito, ang pangunahing ginagawa ng Diyos ay magbahagi tungkol sa iba’t ibang katotohanan, tinutulutan ang mga tao na tumahak sa landas ng kaligtasan sa pamamagitan ng pag-unawa, pagtanggap, at pagsasagawa sa bawat katotohanan, at sa huli ay matamo ang kaligtasan, na sa gayon ay magwawakas sa gawain ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos; ito ang gawain na nakaatang sa Diyos na gawin. Tungkol naman sa kung ilang bahagi ng gawaing ito ang hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao o hindi masyadong tugma sa Diyos sa langit na nakikita ng mga tao, dapat nilang isantabi ang lahat ng ito. Anuman ang mga kuru-kurong mayroon ka, hangga’t ang mga salitang sinasabi at ang gawaing ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan at ng mga layunin ng Diyos, kayang kumatawan sa Diyos Mismo, at kumakatawan sa disposisyon at pagkakakilanlan ng Diyos, dapat mong tanggapin ang mga ito at huwag maghanap ng butas. Higit pa rito, kung palagi kang naghahanap ng butas at mayroon kang ganito o ganoong kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, na palaging humahadlang sa iyo na tanggapin ang katotohanan, ito ang pinakamalaking problema para sa iyo; wala itong idudulot sa iyo kundi pinsala nang walang kahit katiting na pakinabang. Samakatwid, hindi mo dapat tratuhin ang nagkatawang-taong Diyos batay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ni hindi mo dapat suriin ang nagkatawang-taong Diyos gamit ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa halip, dapat mong bitiwan ang mga una mong kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, gayundin ang mga kasalukuyan mong kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanya. Anuman ang mga kuru-kuro at imahinasyong mayroon ka, dapat mong iwaksi ang mga ito; dapat mong himayin at kilalanin ang mga ito, at pagkatapos ay kondenahin at bitiwan ang mga ito. Pagkatapos mong bitiwan ang mga ito, saka ka lamang magkakaroon ng malinaw na puso para tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng pagliligtas na ginagawa ng Diyos sa iyo, at saka ka lang makakalapit sa Diyos at magkakaroon ng pag-asang matamo ang kaligtasan. Bilang karagdagan sa pagsasalita para tustusan ang mga tao ng katotohanan at paggawa ng gawain ng pagkastigo, paghatol, at pagliligtas sa mga tao, ang nagkatawang-taong Diyos ay nagbibigay rin talaga ng ilang nakatutulong na gabay tungkol sa ilang usapin sa buhay ng mga tao. Bagama’t hindi nauugnay sa gawaing ito ang katotohanan o ang gawain ng pagliligtas sa mga tao, at hindi ito gawaing nakapaloob sa ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos, sa Aking pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa mga tao sa mga iglesia ng mga Tsino sa US, nagbigay rin Ako ng maraming gabay, pagpuna, at pagwawasto tungkol sa mga problema sa buhay nila. Tama? (Oo.) Ito ay gawain na ginagawa Ko lang nang pahapyaw. Karamihan sa mga tao ay mukhang may kakayahan sa panlabas, pero hindi nila kayang pasanin ang iisang aytem ng gawain, at maging ang mga kapaligiran ng pamumuhay nila ay ganap na magulo. Dahil nakikita na tila wala nang pag-asa na mapanatiling maayos ng mga taong ito ang mga kapaligiran ng pamumuhay nila at mailagay sa tamang landas ang buhay nila kahit sa loob ng sampung taon, nakibahagi Ako at ginabayan Ko sila sa ilang bagay, tinutulungan silang linisin ang bakuran at ayusin ang kapaligiran. Sa ilang lugar, ang mga mesa, silya, sofa, at mga nakapasong halaman sa mga silid, ang mga nakasabit na ipinintang larawan at salamin sa mga dingding, at ang mga bagay sa mga banyo ay pawang gulo-gulo. Para ilarawan ito gamit ang dalawang parirala, ito ay “ganap na walang kaayusan,” na iniiwan kang “wala man lang matayuan.” Maging sa pagsubok lang na maglakad sa loob, mag-aalala ka na baka may mabunggo ka. Sa tuwing pumupunta Ako roon, nakakaramdam Ako ng hindi matiis na pagkasakal sa loob ko. Nang makita Ko kung paano inayos ang mga bagay sa loob, nakaramdam Ako ng pagiging hindi komportable. Lahat ng uri ng gamit ay nakatambak, at maraming bagay ang nailagay sa maling lugar. Balde-baldeng bigas at harina ang nakatambak sa silid-aklatan, pero walang anuman sa mga kabinet sa kusina na inilaan para sa pag-iimbak ng mga butil. May mga distornilyador sa lalagyan ng pinggan, at mga toolbox sa refrigerator. Sinabi Ko sa mga tao roon, “Kailangan bang magyelo ang mga kasangkapan ninyo? Natatakot ba kayo na baka masyadong mainitan ang mga ito sa labas?” Sadyang hindi Ko ito maunawaan. Mayroon Akong nakagawian: Kapag pumapasok ako sa loob, gusto Ko munang makita kung nakaayos at angkop ang isang lugar, at kung nailagay ba ang bawat aytem sa dapat nitong kalagyan. Pinagmasdan Ko ang lugar nila nang ilang beses at talagang hindi Ko na matiis ang hitsura nito. Sinabi Ko, “Mayroon Akong libreng oras ngayon, kaya aayusin Ko ang inyong lugar para sa inyo. Pagkatapos Kong mag-ayos, kung sa tingin ninyo ay angkop ito, panatilihin ninyo ito nang ganito; kung sa tingin ninyo ay hindi ito angkop, maaari ninyo itong baguhin.” Pahapyaw Kong pinagmasdan kung anong mga pangunahing kasangkapan ang mayroon, at pagkatapos, batay sa laki at estruktura ng lugar, ipinalagay Ko sa lahat ang mga muwebles, ang iba’t ibang kagamitan sa kusina, at ang kanilang mga damit sa kani-kanilang lugar, isinasaayos ang mga ito nang wasto. Ipinatanggal Ko rin sa kanila ang mga agiw, gayundin ang buhangin at alikabok sa sahig. Pagkatapos mag-ayos, nasiyahan ang lahat dito. Kalaunan ay pinanatili nila ang pangunahing ayos na ito; kinailangan lang nilang panatilihin itong malinis. Tumulong din Ako sa mga tao na idisenyo ang kapaligiran ng kanilang mga bakuran. Naglagay kami ng mga namumulaklak na puno sa ilang lugar, at mga puno ng maple sa iba, at naglagay ng ilang bulaklak sa mga taniman ng bulaklak. Ang ganitong uri ng pag-aayos ng tanawin ay napakaganda. Pagkatapos maayos ang lahat, sa ilang lugar, napapanatili ito nang medyo maayos, habang sa ibang lugar, walang sinuman ang seryosong kumikilos at wala silang pinapanatili. Kapag tumataas at nagsasanga ang mga bulaklak at halaman, hindi man lang nila alam na dapat nilang tabasan ang mga ito. Napag-isip-isip Ko, mapurol ba ang isip ng mga taong ito o ano? Pagkatapos maayos ang kapaligiran, hindi nila alam kung maganda ito o hindi, at hindi nila matukoy kung ano ang dapat ilagay at kung saan. Naglalagay ka ng isang mesa sa silid, naglalagay ng isang desk lamp sa ibabaw nito, at naglalagay ng ilang silya sa paligid nito. Sa gabi, habang nagbabasa ng mga aklat at nakikinig sa mga himno sa ilalim ng ilawan, medyo maganda para sa isang tao na gawin dito nang tahimik ang kanyang mga espirituwal na debosyon. Ang mga taong hindi nakakaunawa rito ay nakakaramdam na hindi sapat ang mga gamit sa silid, kaya naglalagay sila ng dalawa pang maliit na mesa sa loob, at nagtatambak ng bigas, harina, at pagkain ng aso sa mga mesa. Saanman may kaunting espasyo, nagsisiksik sila ng mga bagay, ginugulo ang silid hanggang sa magmukha itong bodega. Pakiramdam nila ay hindi maginhawang kumuha ng mga bagay kapag nakabukod at nakatago ang lahat ng ito, at na mas maginhawang kunin ang mga ito anumang oras kapag nakatambak nang magkakasama ang lahat. Sinasabi Ko, “Isa itong kapaligiran na tirahan ng mga tao. Kung hindi mo alam kung paano ito alagaan o panatilihin, ano ang pagkakaiba ng pamumuhay nang ganito at ng pamumuhay sa isang kulungan ng baboy?” Pinapanood ng ilang tao kung paano Ko pinapanatiling maayos ang kapaligiran ng pamumuhay at natututo sila mula rito; may napupulot silang ilang bagay at nakakaunawa nang kaunti. Pero hindi man lang sinusubukan ng ilang tao na matuto; hindi nila kailanman pinapanatili ang sarili nilang kapaligiran ng pamumuhay o ang kanilang personal na kalinisan. Saanman Ako magpunta, kung nakikita Kong medyo malinis ang lugar, walang labis na mga gamit, at hindi ito marangya, pero medyo maayos ito, hindi ganap na magulo, at walang anumang basura, talagang gusto Kong manatili roon. Pakiramdam Ko ay talagang maganda ang lugar na ito; maliwanag at malinis ito, at tahimik. Ang lugar kung saan Ako Mismo nakatira ay hindi nangangailangan ng mga mararangyang gamit o magagarbong kasangkapan. Mga chandelier, mga kutson na Simmons, mga muwebles na estilong-Europeo—hindi Ko kailangan ang mga ito. Isang simpleng kama lang, isang tokador, isang mesa, at isang silya. Pag-upo roon, nakakapagbasa Ako ng mga aklat, nakakagamit ng computer, at nakakapakinig ng mga kanta. Napakaganda at napakasimple nito. Ang pagkakaroon ng mga simpleng bagay ay hindi ang pangunahing bagay. Ano ang pangunahing bagay? Ito ay na maayos ang pagkakalagay ng lahat ng bagay. Ang mga aklat ay nakasalansan nang maayos doon. Kahit sa mga damit na hindi Ko kasalukuyang suot, hindi Ko lang basta inilalapag ang mga ito sa isang tabi; sa halip, tinutupi Ko ang mga ito at itinatabi nang maayos—sa pagtingin sa mga ito ay masasabi mong naisaayos ang mga ito. Walang alikabok sa mga mesa o tokador; kung mayroon man, pinupunasan Ko ito. Kapag pumupunta Ako sa ilang lugar at nakikita Kong medyo malinis ang mga silid, ipinapakita nito na ang may-ari ng bahay ay medyo seryoso sa kalinisan. Sa ilang lugar, ang mga gamit sa mga silid ay lubhang gulo-gulo, at partikular din itong marumi, na may mga buhok, alikabok, agiw, insekto, at lahat ng iba pa; nakakadiri itong tingnan. Hindi Ko gugustuhing pumunta sa gayong lugar. Ang mga lugar na gusto Kong tuluyan ay hindi naman kinakailangang napakakomportable, pero tiyak na magiging maayos at malinis ang mga ito. Sa ilang lugar, makaaamoy ka ng kakaibang amoy sa sandaling pumasok ka, at walang nag-ayos sa mga gamit sa silid; napakagulo nito. Hindi Ko gugustuhing manatili sa gayong lugar. Kung kailangan Ko talagang pumunta roon para asikasuhin ang isang bagay, susubukan Ko itong tiisin, pero kapag umabot na Ako sa Aking limitasyon, ipapaayos Ko ito sa kanila. Ang ilang tao ay ayaw mag-ayos, sa gayon ay hindi Ako nagpapaligoy-ligoy sa pagsasalita. Sinasabi Ko, “Ayusin mo iyang kulungan mo ng baboy!” Sabihin ninyo sa Akin, kung hindi man lang alam ng isang tao kung paano panatilihin ang sarili niyang kapaligiran ng pamumuhay, ano ang maisasakatuparan niya? Sa ilang lugar, pinapanatiling napakalinis ang kusina. Halos walang mga langaw, walang alikabok sa hapag-kainan, ang mga tirang pagkain ay natatakpan ng mga mesh food cover, walang mga mantsa ng tubig sa paligid ng lababo, ang bawat basahan ay malinis at maayos, at walang mga mantsa ng mantika sa alinman sa mga hawakan ng pinto ng kabinet. Napakalinis nito! Ito ay pagkaalam kung paano panatilihin ang isang kapaligiran ng pamumuhay. Gayumpaman, karamihan sa mga tao ay hindi alam kung paano panatilihin ang kanilang mga kapaligiran ng pamumuhay. Kahit pa tulungan mo silang ayusin ang kanilang mga silid, mapapanatili lang nila ang mga ito nang ganoon sa loob ng ilang araw. Kung babalik ka pagkalipas ng ilang araw, ganap nang hindi makikilala ang mga ito kumpara sa dati; iisipin mong pumasok ka sa maling silid. Gayumpaman, sa karamihan ng mga lugar, hindi Ako pumapasok sa silid-tulugan ng sinuman; pumupunta lang Ako sa mga karaniwang lugar tulad ng sala, kusina, at silid-kainan. Kung makakita Ako ng maruruming lugar, aayusin Ko ang isa o dalawa sa mga ito. Para naman sa mga lugar na hindi Ko madalas puntahan, maaari nilang ayusin ang mga ito kung paano man nila gusto.

May ilang tao na nag-aayos ng kanilang sarili nang napakaganda kapag nagfi-film ng mga pelikula o mga programa ng pag-awit at pagsayaw, mukha silang napakapresentable. Pero kung minsan, sa ilalim ng mga espesyal na sitwasyon, kailangan nating mag-video call para talakayin ang mga usapin sa gawain, at nang hindi nakapaghanda, nakapag-makeup, o nakapag-ayos ng sarili, sumasali sila sa video call; sa sandaling makita Ko sila, naiisip Ko, “Bakit ba napakagulo ng hitsura ng mga taong ito? Hindi man lang nila inaayos ang sarili nila. Ganoon ba talaga sila kaabala?” Ang ilang tao ay nagtatago ng maraming kalat sa buong silid-tulugan nila. Nagtatambak sila ng maraming pagkain sa ilalim ng kanilang mga unan at kumot, gaya ng mga cookie, buto ng sunflower, at iba pa, pati na rin ng mga panloob na damit, medyas, at maging mga computer, cell phone, notebook, at kung ano-ano pa. Kapag matutulog na sila sa gabi, kailangan nilang itabi ang mga bagay na ito para magkaroon ng matutulugan. Hindi man lang mapanatiling maayos ng mga taong ito ang wala pang apat na metrong kuwadradong espasyo sa kanilang mga kama. Inilalagay nila ang lahat ng bagay sa kanilang mga kama, at malay natin kung ilang araw ang lilipas nang hindi nila ito nililinis. Kapag nagiging mamasa-masa ang kanilang mga kumot at nangangamoy amag, hindi nila ito ibinibilad sa araw. Sa sandaling pumasok ka sa silid, maaamoy mo ang baho, na masama rin para sa kanilang kalusugan. Anumang uri ng bahay ito, kailangang may bentilasyon ang silid-tulugan. Magiging sariwa lang ang hangin kapag pinapasok mo ang sikat ng araw. Ang mga sapin sa kama na hinihigaan mo at ang mga kumot na ikinukumot mo sa sarili ay kailangang ibilad sa araw paminsan-minsan. Kung magkaroon ang mga ito ng kakaibang amoy o marumihan, dapat labhan ang mga ito. Ito lang ang tanging paraan para manatiling malinis sa katawan. Gayundin, ang paglalagay ng kung ano-anong kalat sa ilalim ng unan ay talagang hindi katanggap-tanggap; kapag naroon ang mga bagay na iyon, hindi Ako makatulog. May ganitong nakagawian ang ilang tao: Isinisiksik nila ang lahat ng kanilang personal na gamit sa ilalim ng kanilang mga unan at sa ilalim ng kanilang mga sapin sa kama. Kung hindi nila mahanap ang isang bagay, siguradong mahahanap nila iyon doon. Hindi lang mga lalaki ang may ganitong masasamang nakagawian; nakakagulat na ang ilan ay mga dalaga. Karaniwang mukhang medyo malinis ang mga taong ito sa panlabas. Kapag nagfi-film ng mga video at gumagawa ng mga programa, mukha silang presentable, at hindi rin naman masama ang hitsura nila. Mukha silang masigla at kaakit-akit. Bakit hindi man lang nila alam kung paano panatilihin ang sarili nilang mga kapaligiran ng pamumuhay at hindi man lang mapanatili ang pangunahing kalinisan? Sabihin ninyo sa Akin, ano ang maisasakatuparan ng gayong mga tao? Ang paggawa ng anumang bagay ay nangangailangan ng disiplina sa sarili; dapat mong gawin ang mga bagay-bagay nang sistematiko at organisado, at maging mahigpit, metikuloso, taimtim, at responsable—dapat mong taglayin ang mga katangiang ito ng pagkatao. Kung, pagdating sa sarili mong pribadong espasyo at kapaligiran, ay mayroon kang tamad, pabaya, kampante, at iresponsableng saloobin, kung ganoon ay paano mo magagawa nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia? Sinasabi ng ilang tao, “Masyado akong abala sa gawain. Wala akong oras para asikasuhin ang mga bagay na ito.” Hindi ba’t pagdadahilan ito? (Oo.) Sa tuwirang pananalita, tamad lang ang gayong mga tao.

Ang mga taong may normal na pagkatao ay pawang may mga hinihingi para sa kanilang mga kapaligiran ng pamumuhay. Mayroon din Akong mga hinihingi para sa Aking kapaligiran ng pamumuhay. Kahit papaano man lang, dapat itong maging malinis sa kalusugan, malinis tingnan, at maayos, at komportableng pagmasdan. Hindi Ko na ito palalawigin pa. Tingnan na lang natin ang paglikha at pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay—pinamamahalaan ba Niya nang maayos ang mga ito? Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—ang mga ilog at lawa kasama ang lahat ng naroroon, ang mga bundok, lambak, at kapatagan, at lahat ng uri ng mga hayop at halaman—ay pinamamahalaan Niya. Sabihin ninyo sa Akin, pinamamahalaan ba ng Diyos nang maayos ang mga ito? (Oo.) Pinamamahalaan ba nang maayos ang bawat uri ng buhay na nilalang? (Oo.) Mayroon bang anumang magulo o malabo? (Hindi, pinamamahalaan ng Diyos ang mga ito sa isang napakaayos at sistematikong paraan.) Pinamamahalaan ng Diyos ang mga ito nang may regularidad, kaayusan, organisasyon, at kalinawan, nang may pambihirang kahigpitan at katumpakan. Sa pananalita ng tao, ang Kanyang pamamahala sa mga bagay na ito ay partikular na maayos at organisado, na walang nakakasagabal sa isa’t isa, at walang anumang magulo. Nakikita mo, ang mga karagatan ay may kani-kanilang mga hangganan, ang mga ilog ay may kani-kanilang saklaw, at ang mga bundok, lupain, at kapatagan ay may kani-kanilang mga tungkulin. Kung anong uri ng mga puno ang lumalaki sa aling mga lugar, at kung sa anong mga kapaligiran at sona lumalaki ang mga hayop, ibon, at mababangis na hayop—ang lahat ng ito ay organisado at may saklaw. Pinamamahalaan ng Diyos ang mga ito nang may perpektong kaayusan. Ang mga isda at iba’t ibang buhay na nilalang sa dagat ay namumuhay rin nang may pambihirang regularidad. Inilagay ng Diyos ang lahat sa tamang lugar para sa kanila. Batay sa saklaw ng pamumuhay ng bawat uri ng buhay na nilalang, itinatag Niya ang mga gawi nito sa pamumuhay, rutina, at ang temperatura na angkop dito, at nilikha rin Niya ang pagkaing kailangan nito. Ang Diyos ay partikular na masinsin sa Kanyang pagsasaalang-alang sa bawat usapin, at pinamamahalaan Niya ang lahat ng bagay sa isang partikular na organisadong paraan. Ngayon, tingnan ninyo: Paano pinapanatili ng mga tao ang kanilang mga kapaligiran? Huwag na nating pag-usapan ang pamamahala mo sa isang iglesia o sa isang rehiyon—ni hindi mo nga mapanatili nang maayos ang sarili mong silid-tulugan o ang lugar na pinagpapahingahan mo. Ang ilang tao ay hindi man lang mapanatiling maayos ang isang espasyong kasingliit ng sarili nilang kama. Sabihin mo sa Akin, ano ba ang posibleng makaya mo? Isa itong kapintasan ng pagkatao. Huwag na nating banggitin ang pag-abot sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa langit, kung maaabot mo ang hinihingi ng nagkatawang-taong Diyos—ibig sabihin, ang hinihingi Ko—na gawin mo, hindi na iyon masama. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat makamit ng mga taong may normal na pagkatao. Kung hindi mo man lang maabot ang mga pamantayan ng normal na pagkatao, kung ganoon ay talagang magiging mahirap nang kaunti para sa iyo na matamo ang kaligtasan. Ang mga ito ang mga hinihingi sa mga tao pagdating sa pagpapanatili ng kapaligiran ng isang tao. Kung maglalaan ang mga tao ng kaunting pagsisikap dito, matutugunan nila ang mga hinihinging ito; hindi ito isang bagay na mahirap. Simulan ang iyong pagpasok sa pamamagitan ng pagpapanatili ng sarili mong kapaligiran ng pamumuhay; pagkatapos, matutong pamahalaan ang iyong gawain at ang tungkuling ginagawa mo. Pumasok sa mga bagay na ito nang paunti-unti, bumuo ng ilang mabuting gawi sa aspekto ng normal na pagkatao, at linangin ang ilang kakayahan sa pagtatrabaho o pamumuhay na makakamit ng mga taong may normal na pagkatao. Paunti-unti, habang sinusubukan mong mamuhay sa loob ng normal na pagkataong ito, dapat kang makibagay sa ilang positibo at mabubuting gawi sa pamumuhay at mga kapaligiran ng pamumuhay, at unti-unting gawin ang mga itong bahagi ng iyong normal na pagkatao. Magiging kapaki-pakinabang ito sa iyong paggampan ng tungkulin, sa iyong gawain, at sa iyong pananatiling buhay. Tama? (Oo.) Ang mga ito ay ilang isyung may kaugnayan sa pang-araw-araw na buhay.

Dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay laman, dapat Siyang magtaglay ng normal na pagkatao at ng mga likas na ugali ng nilikhang sangkatauhan, at mamuhay sa loob ng saklaw ng buhay ng nilikhang sangkatauhan. Kaya, ang nagkatawang-taong Diyos ay mayroon ding ilan sa mga pangangailangan at pagpapamalas ng normal na pagkatao. Bagama’t sa panlabas, ang mga pangangailangan at pagpapamalas na ito ay hindi direktang nauugnay sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, o sa disposisyon ng Diyos na kinakatawan ng Diyos—ang mga ito, kahit papaano, ay nakaayon sa normal na pagkatao na hinihingi ng Diyos sa langit sa mga tao; hindi sumasalungat ang mga ito rito, ni hindi man lang nagkakasalungatan ang mga bagay na ito. Higit pa rito, ang mga pagbubunyag at pagpapahayag ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi nagdudulot ng anumang pinsala sa sangkatauhan. Anuman ang hingin sa iyo ng nagkatawang-taong Diyos sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, at anuman ang Kanyang ibunyag habang nakikipag-ugnayan sa iyo, ang mga bagay na ito ay tiyak na hindi makakasakit sa iyo, at tiyak na hindi makakapinsala sa iyo ang mga ito. Hindi lang sa hindi gagawa ang Diyos ng mga bagay na makakapinsala sa iyo, kundi gagawin din Niya, sa loob ng saklaw ng Kanyang pagkatao—na nagtataglay ng normal na pagkatao—ang gawaing nilalayon Niyang gawin, sasabihin ang mga salitang nilalayon Niyang sabihin, at ipapahayag ang disposisyon at diwa na nilalayon Niyang ipahayag, inaakay ang mga tao sa harap ng Diyos, at sa landas ng pagtatamo ng kaligtasan. Gaano man kawalang-halaga, at gaano man kanormal at kapraktikal ang panlabas na anyo ng gayong nagkatawang-taong Diyos sa paningin mo, at gaano man Siya kahindi kapansin-pansin at kahindi pambihira sa gitna ng nilikhang sangkatauhan, ang normal na pagkatao na Kanyang isinasabuhay ay kumakatawan pa rin sa Diyos Mismo, at nauugnay sa Diyos Mismo. Kaya, dahil lang sa nagbubunyag Siya ng normal na pagkatao o gumagawa ng ilang bagay na nauugnay sa normal na pagkatao—tulad ng pagtulong sa iyo na ayusin ang iyong kapaligiran ng pamumuhay o pamahalaan ang iyong paligid—hindi mo dapat isipin, “Paanong nagagawa ng Diyos ang mga bagay na ito? Hindi ba’t Siya ang Diyos sa langit? Hindi ba’t dapat ginagawa Niya ang gawain ng Diyos Mismo? Paanong nagagawa Niyang pamahalaan ang mga bagay na ito? Hindi ba’t napakaliit na bagay nito para Siya pa ang gumawa?” Kung mayroon kang mga ganitong kaisipan, kung ganoon ay ganap at lubos kang nagkakamali. Maaaring mayroon ding ilang tao na nag-iisip, “Ang Diyos ay ang nagkatawang-taong Diyos—ang nagkatawang-taong Diyos ba na ito ay mapagmataas? Nakahiwalay ba Siya sa mga makamundong bagay? Ang kapaligiran ba na Kanyang ginagalawan, ang saklaw ng Kanyang buhay, o ang Kanyang mga hinihingi para sa buhay ay iba sa atin na mga ordinaryong tao?” Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, ang mga pagpapamalas ng bawat aspekto ng buhay ng nagkatawang-taong Diyos na ito ay napakaordinaryo at napakanormal; hindi man lang matataas ang mga ito, at sadyang walang-halaga pa nga sa paningin ng marami. Wala Siyang mahihigpit na hinihingi o labis na mga pagnanais para sa Kanyang kalidad ng buhay; gusto lang Niyang mamuhay sa pinakasimple at pinakapayak na paraan. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba alam ng nagkatawang-taong Diyos kung paano magtamasa ng mataas na pamantayan ng pamumuhay?” Hindi naman sa hindi Ko alam kung paano, ni hindi sa hindi Ako pamilyar sa magagandang bagay. Sadyang hindi Ko lang gusto ang gayong mga bagay. Wala Akong ganoong uri ng mga hinihingi. Ang Aking mga hinihingi at pamantayan para sa buhay ay kapareho ng sa mga ordinaryong tao: pagkain ng ilang ginisang ulam at salad sa tag-araw, pagkain ng ilang sabaw at nilagang tokwa sa taglamig, pagkain ng ilang dumpling kapag lumalamig at umuulan ng niyebe. Sinasabi ng ilang tao, “Kung ganoon, marunong Ka bang magluto?” Marunong din Akong magluto, at kaya Kong gumawa ng mga hand-rolled na pansit. Ilang taon na ang nakalipas, gumagawa rin Ako ng mga steamed bun at twisted roll, naghuhugas ng mga pinggan at naglilinis. Tinutupi Ko ang Aking mga kumot nang napakaayos. Gusto Kong labhan ang Aking mga damit sa sandaling marumihan nang kaunti ang mga ito, at hindi Ko gustong makaamoy ng mga kakaibang amoy. Wala Akong mahihigpit na hinihingi pagdating sa buhay. Gusto Ko ng tahimik at hindi Ko gusto ang ingay. Hindi Ko gustong manatili sa mga lugar kung saan maraming tao ang nagsasalita nang napakalakas at kung saan maraming ingay, at hindi Ko gusto ang mga lungsod. Sabihin ninyo sa Akin, ito ba ay pagkakaroon ng matataas na pamantayan? (Hindi.) Kapag sumasakay Ako sa kotse, kailangan lang na tahimik sa loob at ayos na iyon. Ayaw Kong itakda ang air conditioning nang masyadong malamig, at sa pagpapainit, hangga’t medyo mainit ito at hindi Ako nakakaramdam ng lamig habang nakasuot ng padded na jacket, ayos na iyon. Kapag bumibili ng mga muwebles, gusto Kong bumili ng malalaking kabinet na kayang maglaman ng maraming bagay, para anuman ang ilagay Ko sa loob ay maiaayos nang mabuti. Gusto Kong panatilihing malinis ang mga gamit na ginagamit Ko. Kahit kapag naluluma ang mga ito pagkatapos magamit nang mahabang panahon, walang mga mantsa ng pawis sa mga ito at hindi nangangamoy nang kakaiba ang mga ito, lalong walang anumang buhok o balakubak sa mga ito. Tiyak na lalabhan Ko ang mga damit na isinuot Ko na bago ilagay ang mga ito sa aparador; hindi Ako kailanman naglalagay ng maruruming damit sa aparador. Wala Akong mahihigpit na hinihingi pagdating sa pamumuhay. Kapag nag-aalaga Ako ng aso, hindi Ako nag-aalaga ng anumang kilalang lahi; hangga’t masunurin, mabait, at matalino ito, hindi nagdudulot ng problema, at hindi palaging gustong lumabas para maglakad-lakad o maglaro, sapat na iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto lang ba ng nagkatawang-taong Diyos ang mga high-end at magagarbong bagay?” Hindi bago sa Akin ang gayong mga bagay, pero talagang hindi Ko gusto ang mga ito. Gusto Ko ang mga praktikal na bagay—maging ito man ay ang Aking mga damit, mga bagay na ginagamit Ko, o ang Aking lugar ng pamumuhay, hangga’t praktikal ito, sapat na iyon. Kung mayroong isang damit o isang pares ng sapatos na maaaring isuot sa loob ng maraming taon at ito ay isang bagay na kailangan Ko, tiyak na bibilhin Ko ito. Kung ang isang aytem ay napaka-high-end, natatangi, at mahalaga, pero isa itong bagay na halos hindi Ko magagamit kahit isang beses sa isang dekada, hindi Ko ito gugustuhin kahit pa ibigay ito sa Akin nang libre. Hindi Ko gusto ang gayong mga bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Para sa Iyong computer, gumagamit Ka ba ng computer na pinakamahal, pinaka-high-end, pinakamakabago, at pinakamabilis?” Ang computer na ginagamit Ko ay may katamtamang bilis, pero hindi ito ang pinaka-high-end. Hangga’t magagamit Ko ito para tingnan ang lagay ng panahon at magbasa ng mga mensahe, at gumawa ng ilang pang-araw-araw na gawain, sapat na iyon. Anumang mga device ang ginagamit Ko, hindi Ako kailanman gumagamit ng pinaka-high-end; ang mga ordinaryo at praktikal ay ayos na. Kahit pa maluma ang Aking mga ordinaryong aytem dahil sa paggamit, ginagawa Ko ang Aking pinakamakakaya para panatilihing ganap na malinis at walang sira ang mga ito, at para matiyak na magagamit nang normal ang mga ito.

Ang nagkatawang-taong Diyos ay mapili rin pagdating sa pakikisalamuha sa mga tao. Hindi Niya gustong makihalubilo sa napakaraming tao, ni hindi Niya gustong magkaroon ng labis na malalalim na koneksyon sa mga tao. Gayumpaman, kapag nakikisalamuha sa iba, mayroon din Siyang ilang pangunahing opinyon tungkol sa mga tao at mga hinihingi sa kanila; kahit papaano man lang, ang mga nakakasalamuha Niya ay dapat na tratuhin ang iba nang may sinseridad. May isang partikular na uri ng tao na nagmamayabang at nagsasalita lang nang mapagmalaki kapag nagsasalita sila. Siyam sa sampung bagay na sinasabi nila ay tila hindi totoo at hindi praktikal, o ang mga salita nila ay may bahid ng panghahamak at pagmamaliit sa iba, at nagkikimkim sila ng masasamang intensiyon. Sa tuwing nagsasalita at nakikisalamuha ka sa gayong mga tao, ganito sila; hindi mo kailanman malalaman kung ano talaga sila, at hindi mo mararamdaman ang sinseridad nila. Ang gayong mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan at walang kuwenta; sila ay mga palamunin, at ayaw Kong nakikisalamuha sa kanila. May isa pang uri ng tao na palaging nagsisinungaling at mahilig makibahagi sa walang-kuwentang daldalan at maglitanya nang walang katuturan, hindi kailanman nagsasabi ng anumang totoo. Kung tatanungin mo sila tungkol sa isang bagay at susubukan mong makakuha ng seryosong sagot, nagpapaligoy-ligoy sila at hindi nila sinasabi sa iyo ang totoo. Palagi Akong nakikipag-usap sa kanila sa ganap na taos-pusong paraan at hindi Ko sila hinahamak, lalong hindi Ko sila pipinsalain kailanman, pero hindi pa rin nila sinasabi sa Akin ang totoo; walang paraan para makipag-usap sa gayong mga tao. Ang isang uri ay ang mga palamunin na nagmamayabang, nagsasalita nang mapagmalaki, at walang-kuwenta—ayaw Kong makisalamuha sa gayong mga tao. Ang isa pang uri ay iyong mga palaging nagsisinungaling at hindi kailanman nagsasabi ng anumang totoo; ayaw Ko ring makisalamuha sa ganitong uri ng mga tao—nandidiri Ako at nasusuklam Ako sa gayong mga tao. Kung kailangan Kong harapin ang gayong mga tao sa panahon ng paggawa ng gawain ng iglesia, kaya Ko itong tiisin—iyon ay pagiging propesyonal lamang. Kung walang anumang gawain na kailangang pangasiwaan, ginagawa Ko ang Aking pinakamakakaya para umiwas sa gayong mga tao at hindi makisalamuha sa kanila. Mayroon ding isa pang uri ng tao: Bago ka pa man magkaroon ng anumang tunay na pakikitungo sa kanila, nagsisimula na silang magkalkula kung paano ka nila magagamit, kung paano sila makakakuha ng ilang kapaki-pakinabang na impormasyon mula sa iyo, kung paano ka nila mapagkakakitaan ng pera, o kung paano ka nila malilinlang para makuha ang iyong simpatiya, tiwala, at mataas na pagtingin. Nag-iisip sila ng bawat posibleng paraan para magpakana laban sa iyo. Ayaw Kong makisalamuha sa gayong mga tao; nakakasuklam sila para sa Akin, at lumalayo Ako sa kanila hangga’t maaari. Mayroon ding isa pang uri ng tao: Ang kailangan mo lang gawin ay magkaroon ng kaunting pakikipag-ugnayan sa kanila at susubukan nilang tingnan kung paano sila maikukumpara sa iyo at ikukumpara nila ang sarili nila sa iyo, at maiinggit pa nga sila sa iyo. Halimbawa, kung magpapagupit ka ng buhok, sasabihin nilang pangit ang gupit mo, pero pagkalipas ng ilang araw, magpapagupit sila ng eksaktong kaparehong gupit. O makikita ka nilang nakasuot ng magagandang damit at tatanungin nila kung saan mo binili ang mga iyon, habang sinasabi sa harap mo na masyadong madilim ang kulay, luma na ang estilo, hindi bagay ang mga iyon sa iyo, at iba pa, pero pagkalipas ng ilang araw, bibili sila ng eksaktong kaparehong mga damit at palaging ipaparada ang mga iyon sa paligid mo para ipagmalaki ang mga iyon. Sa lahat ng mayroon ka, hangga’t nakikita nila ito, dapat ay mayroon din sila nito. Kung bibili ka ng ilang repolyo sa halagang limampung sentimo bawat libra, sasabihin nila, “Napakapamahal niyan!” Pero tatalikod sila at pupunta sa ibang tindahan para bumili ng repolyo sa halagang isang dolyar bawat libra, at sasabihin pa nga, “Mas mura ang mga gulay na binili ko kaysa sa iyong mga binili.” Hindi ba’t nagsisinungaling sila nang harap-harapan? Hindi ka masyadong pamilyar sa kanila, at wala kang anumang malapit na pakikitungo sa kanila, pero sinusubukan nilang makipagkompetensiya sa iyo at kainggitan ka nang ganito, ikinukumpara ang sarili nila sa iyo sa bawat aspeto; sinusubukan pa nga nilang higitan ka sa anuman ang sabihin mo. Hindi ba’t para itong pagharap sa isang ulol na aso? Kapag nakakaharap Ko ang gayong mga tao, iniiwasan Ko sila at binabalewala Ko sila; imposibleng makasundo ang ganitong uri ng tao na walang normal na pagkatao. Mayroon ding isa pang uri ng tao, na maaaring nakatagpo na rin ninyo; ang ganitong uri ng tao ay napakahirap pakitunguhan. Halimbawa, nagrereklamo sila na mainit sa silid. Kung sasabihin mo sa kanila na buksan ang pinto para sa bentilasyon, sasabihin nila, “Hindi, papasok ang mga langaw kung bukas ang pinto.” Kung imumungkahi mo na maglagay sila ng screen door, sasabihin nila na magiging abala iyon sa paglabas-masok. Kung sasabihin mo sa kanila na buksan ang bentilador, sasabihin nila na natatakot silang sipunin mula sa hangin at na aksaya iyon sa kuryente. Kung makakatagpo ka ng ganitong tao, tinatanggihan ang bawat iminumungkahi mo kapag nagrereklamo sila na mainit ang silid, malalaman mo na ang taong ito ay talagang mahirap pakitunguhan. Anong klaseng hamak na tao ba sila? Matatanggap ba nila ang mga salitang tama? (Hindi. Wala silang normal na pagkatao.) Kung ganoon, kakausapin mo pa ba sila? (Hindi.) Kapag nakakaharap Ko ang ganitong uri ng tao, bumubuo Ako ng impresyon tungkol sa kanila sa Aking puso: “Naku, ganitong uri ka pala ng tao. Wala kang normal na pagkatao, hindi mo tinatanggap ang mga salitang tama, palagi kang naghahanap ng butas at naghahanap ng mali, at gusto mong magbigay ng mahihirap na problema para sadyang pahirapan ang iba. Wala kang kuwenta.” Paano dapat ilarawan ang ganitong uri ng tao? Sa mga karaniwang termino, ang gayong mga tao ay tinatawag na “mga taong palaging tumututol”; ang mga taong tulad nito ay hindi tinatablan ng katwiran. Nagrereklamo sila na mainit ang silid, pero anumang solusyon ang imungkahi mo, sinasabi nilang mali ito o na hindi ito uubra. Gayumpaman, sa sandaling lumabas ka ng silid, agad nilang binubuksan ang pinto at ang mga bintana, at binubuksan ang bentilador, hindi nag-aalala tungkol sa pagpasok ng mga langaw o sa pagkakaroon ng sipon dahil sa hangin. Ang gayong mga tao ay hindi Ko kapareho ng pag-iisip. Imposibleng makipag-usap sa kanila, at ayaw Kong makisalamuha sa kanila. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi mo gusto ang ganitong uri ng tao, hindi mo gusto ang ganoong uri ng tao—Hindi mo mapakitunguhan ang isang tao dahil lang sa hindi mo siya gusto?” Hindi Ko sinasabing hindi Ko sila puwedeng pakitunguhan dahil lang sa hindi Ko sila gusto. Kung kailangan Kong makisalamuha sa kanila para sa trabaho o sa pang-araw-araw na buhay, kaya Ko itong tiisin. Hindi Ako puwedeng tumangging makisalamuha sa gayong mga tao dahil lang sa hindi Ko sila gusto, kung sa gayon ay maaantala ang gawain o maaapektuhan ang ilang bagay na dapat gawin. Gayumpaman, kapag hindi kinakailangan, hinding-hindi Ako makikisalamuha sa gayong mga tao.

May isa pang uri ng tao na gusto lang kumain, uminom, at magpakasaya, pinapabayaan ang mga wastong gampanin. Kung ito ay dahil bata pa sila at wala pang sapat na gulang, hindi pa nagiging matatag ang kanilang karakter, o dahil pinalaki sila sa layaw sa bahay, kaya hindi nila alam kung paano asikasuhin ang mga wastong usapin o tumuon sa mga wastong gampanin—at hindi nila sinusubukang matuto ng anumang teknikal na kasanayan o magtamo ng kaalaman at kadalubhasaan—maaari itong palampasin. Gayumpaman, ang ilang tao ay nasa edad dalawampu, tatlumpu, o apatnapu na, at pinapabayaan pa rin ang mga wastong gampanin at nag-aaksaya ng oras buong araw. Kapag wala silang ginagawa, mahilig silang makipagkuwentuhan, makipagdaldalan, at magpagala-gala nang iniraraos lang ang buhay. Hindi nila kailanman iniisip ang mga wastong usapin o hindi sila kailanman tumutuon sa mga wastong gampanin, at hindi nila sinusubukang matuto ng anumang teknikal na kasanayan o magtamo ng anumang kaalaman at kadalubhasaan. Hindi sila nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagsasaalang-alang ng mga usapin sa buhay, o nagbubulay-bulay kung anong landas ang dapat tahakin ng mga tao. Hindi nila kailanman pinagninilayan kung paano nila dapat iwasang tahakin ang maling landas pagkatapos makitang tumahak doon ang iba, ni hindi nila tinitingnan iyong mga nagkaroon ng pagpasok sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan at may nakamit mula sa mga ito para matuto sila mula sa mga taong ito. Hindi nila kailanman pinagbubulayan ang mga wastong usaping ito. Kapag libre sila, kumakain, umiinom, at nagpapakasaya lang sila, nagbabasa ng mga balitang panlibangan at sumusubaybay sa mga kaganapan mula sa iba’t ibang industriya. Dahil nakalubog sa lahat ng uri ng mapagkukunan ng balita, magasin, at kalakaran sa lipunan, nagpapatangay lang sila at pasibo sila sa buhay, hinaharap ang anumang mangyayari sa kada araw. Kahit pagkatapos iraos ang buhay sa loob ng isang dekada o higit pa, wala silang anumang kamalayan at hindi kailanman nakakaramdam ng pagkabagabag. Sinuman ang magpungos sa kanila o maglantad sa kanila, binabalewala nila ito, nananatiling manhid at mapurol ang isip, at hindi alam na hanapin ang katotohanan. Ang gayong mga tao ay iniraraos lang ang buhay, nagiging palamunin lang at naghihintay na mamatay. Ang ganitong uri ng tao ay madalas ding mapaghinala, pakiramdam niya ay hindi patas ang lahat ng bagay at na saanman siya magpunta, walang mapaggagamitan ang kanyang talento. Ngunit nabibigo siyang matuto ng anuman dahil sa kawalan niya ng pagsisikap, hindi niya kailanman tinrato nang seryoso ang anumang aytem ng gawain, hindi kailanman seryosong tinanggap ang kahit isang salita na tama, at hindi kailanman iniisip kung ano ang dapat niyang gawin sa hinaharap. Ipinapahayag niya ang kanyang sarili nang medyo malinaw, at mayroon siyang mga ideya, mga mithiin, at nais, pero sadyang hindi niya inaaksyunan ang mga ito. Ang mga doktrinang sinasabi niya ay medyo maganda at matayog, at nakikita ng mga tao na makatwiran at nasa katwiran ang mga ito, at medyo nakakalugod pang pakinggan, pero pagdating sa paggawa ng mga praktikal na bagay sa tunay na buhay, hindi siya makahugot ng anumang lakas at hindi siya gumagawa ng praktikal na aksyon. Hindi Ko gusto ang gayong mga tao. Maaaring ang iyong kakayahan ay napakakaraniwan, o medyo mapurol ang iyong isip, kulang ang iyong likas na talino, at wala kang anumang kaloob o talento. Gayumpaman, partikular kang matatag, naglalaan ka ng maraming pagsisikap sa mga bagay-bagay at masigasig mong ginagawa ang mga ito, handa kang magtiis ng paghihirap, at kaya mong magbayad ng halaga. Kahit sino pa ang magkatiwala sa iyo ng isang gampanin, partikular kang taimtim at responsable, at kaya mong akuin ang responsabilidad para dito hanggang sa huli. Mahigpit ka ring sumusunod sa mga prinsipyo, hanggang sa punto na minsan ay nagiging dahilan ka pa para malimitahan ang iba; pakiramdam ng mga tao ay masyado kang seryoso at masyadong mahigpit na sumusunod sa mga prinsipyo, pero kaya mong magpursigi sa paggawa nito. Gusto Ko ang ganitong uri ng tao. Hindi gaanong mahalaga na medyo mahina ang iyong kakayahan at medyo mapurol ang iyong isip—kahit papaano ay hindi ka isang madulas magsalita, tuso, at mapanlinlang na tao, o isang taong iniraraos lang ang buhay. Bagama’t hindi mataas ang iyong kakayahan at kulang ang iyong likas na talino, gusto mong matuto ng mga bagay-bagay, at natututo ka sa isang partikular na seryoso at praktikal na paraan, nang hindi nagiging pabasta-basta. Kapag tumigil na ang iba sa pagsubok na matuto ng isang bagay, patuloy mong sinusubukan hanggang sa maarok mo ito. Gusto Ko ang ganitong uri ng tao. Umaasal sila at kumikilos nang may matatag at kalkuladong mga hakbang, hindi kailanman nag-aasam nang masyadong mataas, at partikular silang taimtim. Tinatrato nila ang mga tao at mga bagay nang may sinseridad. Kahit sa pagpapaligo ng aso, pinapaliguan nila ito nang ganap na malinis at masinsin; kung hindi, pakiramdam nila ay nagiging pabasta-basta sila—ginagawa nila ang tama kahit sa isang aso. Gusto Ko ang mga taong tulad nito. Ang ilang tao ay kayang manlinlang ng iba, at kaya rin nilang linlangin ang Diyos at maging pabasta-basta sa Kanya; napakahusay nilang magsalita pero hindi sila gumagawa ng mga praktikal na bagay. Ayaw Kong magbigay-pansin o makisalamuha sa gayong mga tao. Maaaring magaling kang magsalita, at alam mo kung paano mambola at magsabi ng mga salitang magandang pakinggan, pero ayaw Kong makinig sa gayong mga salita—hindi Ako padadala sa gayong mga bagay.

Sinasabi Ko ang mga salitang ito para maunawaan ninyo Ako. Isa lang Akong ordinaryong tao na namumuhay sa normal na pagkatao. Kumpara sa Diyos sa langit, napakawalang-halaga Ko; Ako ay isang napakakaraniwan, napakaordinaryong tao. Wala Akong matayog na imahe, at wala Akong mga pambihirang abilidad. Hindi Ako nangingibabaw sa iba, lalong ayaw Kong mamukod-tangi sa karamihan. Isa lang Akong napakakaraniwang tao, at isa ring napakasimpleng tao. Pakiramdam Ko, ang isang ordinaryong tao na tulad Ko, na namumuhay sa normal na pagkatao, ay ganap na may kakayahang pasanin ang yugtong ito ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at kaya ring magpahayag ng lahat ng katotohanan na nilalayon ng Diyos na ipahayag sa mga huling araw, para makamit ninyo mula sa Akin ang lahat ng aspekto ng katotohanang nagmumula sa Diyos na kinakailangan para matamo ang kaligtasan. Para sa inyo, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay sapat na para tulutan kayong matamo ang kaligtasan; anumang aspekto o bahagi ng lamáng ito na inyong nakikita at nakakasalamuha ay sapat na talaga para sa layuning ito. Samakatwid, bilang isang normal na tao, kung mayroon kang konsensiya at pagkamakatwiran, hindi mo dapat palaging ikumpara ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit. Kung gagawin mo ito, sa isang banda, wala itong pakinabang sa iyo, at sa kabilang bana, hindi magugustuhan ng Diyos sa langit na ginagawa mo ito. Higit pa rito, kung palagi mong ikinukumpara ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, sa malaking antas, maaapektuhan nito ang iyong pagtanggap sa mga salitang sinasabi at sa gawaing ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos, gayundin ang pagtustos ng lahat ng aspekto ng katotohanan na kailangan mo na nagmumula sa Kanya. Mayroon ding isang mas mahalagang aspekto, na gaano man kawalang-halaga, gaano man kanormal, o gaano man kaordinaryo ang nagkatawang-taong Diyos, Siya, kung tutuusin, ay ang pagpapahayag ng Diyos sa lupa, ang pagpapamalas ng Diyos sa lupa, at ang kinatawan ng Diyos sa lupa. Anuman ang dami ng Diyos na kaya Niyang katawanin o ang dami ng Diyos na kaya Niyang ipamalas, kahit papaano man lang, sa paningin ng Diyos, kinakatawan Niya ang Diyos, at Siya ay isang bahagyang kinatawan ng pagkakakilanlan ng Diyos, ng diwa ng Diyos, at ng disposisyon ng Diyos. Samakatwid, kahit papaano man lang, kinakatawan Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos, at kinakatawan din Niya ang gawaing nilalayon ng Diyos na gawin sa lupa; tumatayo Siya para sa Diyos, o masasabing tumatayo Siya para sa Diyos upang gawin ang gawain sa lupa. Gaano mo man tingalain ang Diyos sa langit o gaano mo man sambahin ang Diyos sa langit, ayaw ng Diyos na ikinukumpara mo ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, ni hindi Niya gusto na ihiwalay mo ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit. Lalong ayaw Niya kung, kapag ikinukumpara ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, mataas ang tingin mo sa Diyos sa langit pero minamaliit mo ang Diyos sa lupa, o kung puno ka ng paghanga at paggalang sa Diyos sa langit pero puno ka ng pagkamapanlaban at diskriminasyon sa Diyos sa lupa, at hinuhusgahan, kinokondena, at inaatake mo pa nga Siya. Samakatwid, pagdating sa kung paano tinatrato ng mga tao ang nagkatawang-taong Diyos, sa isang banda, dapat nila Siyang tratuhin nang tama at tanggapin ang Kanyang normal na pagkatao; sa kabilang banda, dapat nilang tanggapin ang katotohanang Kanyang ipinapahayag at ang disposisyong Kanyang ipinapahayag ayon sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Kapag nagbubunyag Siya ng normal na pagkatao at nagpapahayag ng disposisyon ng Diyos o nagpapamalas ng diwa ng Diyos, kung ano ang nakikita mo at kung ano ang kaya mong unawain ay iyon mismo. Sa huli, taglay ang perspektiba at saloobin ng isang nilikha, dapat kang magpasakop at tumanggap sa mga salita ng Diyos na Kanyang ipinapahayag, o sa disposisyon at diwa ng Diyos na Kanyang ipinapamalas. Habang hindi ikinukumpara ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, hindi mo rin dapat tratuhin nang magkaiba ang nagkatawang-taong Diyos at ang Diyos sa langit. Dahil ang Diyos sa langit at ang nagkatawang-taong Diyos ay, kung tutuusin, iisa sa diwa—kaya lang ay may pagkakaiba sa anyo ng Kanilang hitsura kapag direktang tiningnan ng mga mata—ikinukumpara mo man o hindi ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, sa huli, kung paano mo tinatrato ang nagkatawang-taong Diyos ay dapat batay sa katunayan na taglay Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos at ang diwa ng Diyos. Anuman ang uri ng normal na pagkatao o anuman ang uri ng mga paghahayag at pagpapamalas na nakikita mo sa nagkatawang-taong Diyos gamit ang mga mata, o gaano man Siya magmukhang normal, ordinaryo, at praktikal, dapat mo Siyang tanggapin, yakapin, at dapat kang magpasakop sa Kanya mula sa perspektiba ng isang nilikha, sa halip na labanan Siya. Palaging gustong ikumpara ng mga tao ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit. Ang pinakamasamang bagay rito ay na ang mga tao ay pinakamadaling gumamit ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa Diyos para husgahan, kondenahin, o tanggihan ang nagkatawang-taong Diyos. Samakatwid, ang pagkukumpara sa nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit ay isang landas na humahantong sa kamatayan para sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng isang landas na humahantong sa kamatayan? Tumutukoy ito sa sinabi Ko na noon—tiyak na naghahanap ka ng kamatayan! At ano ang paghahanap ng kamatayan? Hindi ibig sabihin nito na papaalisin o patatalsikin ka ng sambahayan ng Diyos—sa halip, nangangahulugan ito na ang kasamaang ginawa mo ay napakalubha na magdurusa ka ng kaparusahan at mawawasak; ito ay pagtukso sa kapalaran. Kapag gumawa ka ng gayong kasamaan, walang magagawa ang mga tao sa iyo, pero kokondenahin ka ng Diyos batay sa iyong masasamang gawa. Kung ganoon, bakit Ko sinasabi na ito ay paghahanap ng kamatayan? May dahilan kung bakit Ko ginagamit ang pariralang “tiyak na naghahanap ka ng kamatayan”: Ang pamamaraan mong ito ay kumakatawan sa landas na nilalakaran mo. Anong uri ng landas ang nilalakaran mo ngayon? Kinakatawan ng pamamaraan mong ito na naglalakad ka sa isang landas na humahantong sa pagkawasak. Ano ang ibig sabihin ng landas na ito na humahantong sa pagkawasak? Nangangahulugan ito na malinaw na pinatototohanan ng Diyos na ang nagkatawang-taong Diyos na ito sa lupa ay kumakatawan sa Kanya at kumakatawan sa Kanyang mga layunin sa mga huling araw, at na ang nagkatawang-taong Diyos na ito ay ang Kanyang pagpapamalas at ang tagapagdala ng Kanyang gawain sa mga huling araw, pero hindi mo tinatanggap ang mga salitang ito. Matigas ang ulo mong tumatangging kilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng nagkatawang-taong Diyos na ito, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang mga salita at gawain. Hindi lang sa hindi mo tinatanggap ang mga ito, kundi tinatanggihan mo pa nga ang mga ito, at madalas ka pa ngang nagdarasal at nagsusumamo sa Diyos sa langit, gustong lampasan ang nagkatawang-taong Diyos para makuha ang pagsang-ayon mula sa Diyos sa langit at sa gayon ay matamo ang kaligtasan. Ibig sabihin, nananampalataya ka lang sa Diyos sa langit, habang tungkol naman sa nagkatawang-taong Diyos—ang Siyang pinagkatiwalaan ng gawain ng Diyos sa lupa—hindi mo Siya tinatanggap. Kung gayon, tinatanggihan mo ang gawaing ginawa at ang mga salitang sinabi ng Diyos sa langit pagkatapos Niyang pumarito sa lupa; tinatanggihan mo ang persona ng nagkatawang-taong Diyos sa lupa, at kaya ang landas na nilalakaran mo ay isang landas ng pagkawasak. Gaano mo man sambahin at tingalain ang Diyos sa langit, hindi ito tinatanggap o kinikilala ng Diyos. Ang landas na nilalakaran mo ay isang landas ng pagkawasak; ito ay tinatawag na paghahanap ng kamatayan. Ano ang ibig sabihin ng paghahanap ng kamatayan? Nangangahulugan ito na ang kasamaang ginawa mo ay napakalaki at maaaring maging sanhi para maparusahan ka; ito ay pagtukso sa kapalaran. Ang landas na nilalakaran mo at ang landas ng pagsasagawa na tinatahak mo ay mali. Kinakalaban mo ang Diyos, nagiging mapanlaban ka sa Diyos. Huwag mong isipin: “Nagtitiwala ako sa Diyos sa langit. Ang nagkatawang-taong Diyos ay isa lang ordinaryong tao. Tinatanggap ko ang mga salitang Kanyang sinasabi, pero pagdating sa persona Mismo, hindi ko tinatanggap na Siya ay si Cristo, na Siya ay Diyos. Paano Niya makakatawan ang pagkakakilanlan ng Diyos? Sadyang hindi ko kinikilala na Siya ang Diyos sa lupa. Walang ibang Diyos bukod sa Diyos sa langit.” Kung sasabihin mo ang mga salitang ito, mapapahamak ka. Naglalakad ka sa isang landas ng pagkawasak; ito ay paghahanap ng kamatayan. Mayroon bang mga tao sa kasaysayan na “naghanap ng kamatayan”? Mayroon bang mga tao na malinaw na naglakad sa isang landas ng pagkawasak? Isa ba si Pablo sa kanila? (Oo.) Ganoong tao si Pablo, at gayundin ang mga eskribang iyon, mga Pariseo, at mga punong saserdote. Nanampalataya lang sila sa pangalan ni Jehova, at nanampalataya lang sa Diyos sa langit. Nang magkatawang-tao ang Diyos at pumarito Siya sa lupa, nakita nila na ang Panginoong Jesus ay isa lang ordinaryong tao, at anak pa ng isang mahirap na karpintero, at kaya tumanggi silang tanggapin Siya anuman ang mangyari: “Sadyang hindi kita tatanggapin. Nananampalataya lang ako sa Diyos sa langit!” At ano ang sinabi ng Diyos sa langit sa kanila? “Tiyak na naghahanap ka ng kamatayan!” Ang parehong parirala na ginamit Ko ngayon lang. Ano ang naging resulta? Pinatutunayan ng mga katunayan na naghanap sila ng kamatayan, hindi ba? (Oo.) Gusto ba ninyong maglakad sa gayong landas? (Hindi.) Kung ganoon ay huwag kayong maglakad sa gayong landas. Kung nakapaglakad na kayo sa ganitong uri ng landas noon, bilisan ninyo at bumalik kayo, magsisi, at ipagtapat ninyo ang inyong mga kasalanan; hindi pa huli ang lahat para bumalik ngayon. Gayumpaman, hindi ninyo dapat gamitin ang pariralang “tiyak na naghahanap ka ng kamatayan” nang walang ingat. Sa tuwing sinasabi ninyo ito, mayroong pagkamainitin ng ulo rito. Madalas sabihin ng mga tao sa mundo ng krimen, “Tiyak na naghahanap ka ng kamatayan!” Ang ibig nilang sabihin ay gusto nilang pumatay ng tao. Pero kapag sinasabi Ko ito, iba ito kaysa kapag sinasabi nila ito. Kapag sinasabi Ko ito, walang pagkamainitin ng ulo rito, at hindi Ko sinusubukang magsalita nang matapang. Gusto Ko lang ipaalala sa iyo: Huwag mong lakaran ang landas ni Pablo; mangangahulugan iyon ng paghahanap ng kamatayan, at isa itong landas ng pagkawasak. Kung lalakaran mo ang landas na ito, mawawasak ka, at hahantong ka sa parehong kinalabasan ni Pablo; magiging kakila-kilabot iyon. Hindi nakarinig si Pablo ng maraming katotohanan noon. Ang paghahanap niya ng kamatayan ay sarili niyang kasalanan at idinikta ng kanyang kalikasan. Pero ngayon ay mayroon kayong kuwento ni Pablo bilang babala, kaya hindi kayo dapat maghanap ng kamatayan—huwag ninyong lakaran ang landas na iyon ng pagkawasak. Ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ay naipaliwanag na nang napakalinaw ngayon, at ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa pagtamo ng kaligtasan ay naipaliwanag na rin nang napakalinaw. Kung sadyang lumalaban ka pa rin at matigas ang ulo mo na tumatangging tanggapin ang nagkatawang-taong Diyos, hindi ba’t ito ay paghahanap ng kamatayan? Pinatutunayan nito na isa kang tao na kauri ni Pablo. Hinding-hindi ninyo dapat lakaran ang landas na ito!

Ngayong nakapagbahagi na Ako nang napakarami, malinaw na ba sa inyo kung paano ninyo dapat tratuhin ang nagkatawang-taong Diyos, at kung paano wastong pangasiwaan ang ugnayan sa pagitan ng nagkatawang-taong Diyos at ng Diyos sa langit? (Oo.) Kung gayon, ano ang mga prinsipyo sa usaping ito? Ilang prinsipyo ang mayroon? Magbigay ng buod. (Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Diyos ngayon, ang unang prinsipyong naunawaan ko ay ang tanggapin ang normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos, at wastong harapin ang normal na pagkatao ng katawang-taong suot ng Diyos, kabilang ang wastong pagharap sa Kanyang mga pangunahing pangangailangan at mga pagpili sa loob ng Kanyang normal na pagkatao. Ang isa pang prinsipyo ay ang Diyos sa lupa ay may diwa ng Diyos, kaya hangga’t kaya Niyang ipahayag ang katotohanan at iligtas ang mga tao, dapat natin Siyang tanggapin at magpasakop tayo sa Kanya. Ito ang susi.) Hayaan ninyo Akong bigyang-diin ang ilan pang bagay. Sa teorya, ang normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos ay walang kinalaman sa katotohanan, at wala rin itong kinalaman sa gawaing nilalayong gawin ng Diyos. Sa mahigpit na pananalita, ang normal na pagkatao ay tumutukoy sa mga bagay na nasa saklaw ng pamumuhay ng nagkatawang-taong Diyos. Tungkol naman sa taong ito—kung ano ang gusto ng Diyos, ang Kanyang personalidad, ang lawak ng mga damdaming nararanasan Niya, gayundin ang iba’t iba Niyang opinyon, pananaw, pagkaunawa, pagpili, at iba pang bagay tungkol sa buhay at lipunan—kung huhusgahan mula sa perspektiba ng pagkatao, ang mga pagpapamalas ba Niyang ito ay naaayon sa konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao? (Oo.) Ang mga nagsasabing “oo” ay dapat managot para diyan. Dapat mong ipaliwanag nang malinaw: Saan nanggagaling ang “oo” mong ito? Doktrina ba ito, isang pag-uulit ng sinabi ng iba, o tunay ka bang may karanasan at kaalaman tungkol dito? (Diyos ko, ang pananaw ko ay, ginagabayan man tayo ng Diyos sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao o pinakikilatis Niya sa atin ang ilang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap natin, sinasabi nitong lahat sa atin kung paano isabuhay ang normal na pagkatao at kung paano maging matatapat na tao; inaakay tayong lahat nito sa tamang landas. Samakatwid, ang paggabay ng Diyos sa mga tao sa lahat ng aspekto ay kapaki-pakinabang sa kanila.) Mag-iingat Akong sabihin na kapaki-pakinabang itong lahat sa mga tao, pero kahit papaano man lang, Ako Mismo ay naniniwala na ang salitang “normal” sa “normal na pagkatao” ay nararapat ipaliwanag. Kaya paano dapat ipaliwanag ang “normal”? Sa isang banda, nangangahulugan ito na ang perspektiba at paninindigan ng pagtingin ng nagkatawang-taong Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay ay tama. Nagsalita na Ako sa Aking mga pagbabahaginan tungkol sa kung paano Ko tinatrato ang lahat ng uri ng tao at lahat ng uri ng bagay. Masasabing ang iba’t iba Kong pananaw sa mundo, sa sangkatauhan, at sa iba’t ibang masasamang kalakaran at ideolohikal na kalakaran ay taglay Ko bilang isang tao, pero masasabi rin na nagmumula ang mga ito sa Diyos. Hindi posibleng idetalye ang tungkol sa mga bagay na ito rito—dahan-dahan ninyong pagnilayan ang mga ito nang kayo lang. Ang paninindigan at perspektiba ng pagtingin ng nagkatawang-taong Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay ay normal—ito ay sa isang banda. Sa kabilang banda, ang mga pananaw at kaisipang nabubuo Niya mula sa Kanyang pagkaunawa sa iba’t ibang bagay ay normal; hindi baluktot o sukdulan ang mga ito. Hindi Ako mangangahas na sabihin kung gaano kayo makikinabang mula sa mga pagpapamalas ng Aking normal na pagkatao habang Ako ay namumuhay at nakikisalamuha sa inyo, o na mabibigyan kayo ng mga ito ng parehong mga pakinabang gaya ng katotohanan, pero kahit papaano man lang, hindi Ko kayo pipinsalain. Mayroon ding isang pinakapangunahing punto, na, mula sa Aking mga personal na kaisipan at kagustuhan, hindi Ko kailanman gustong pinsalain ang sinuman. Kung makikita Kong nagkakamali ka sa pagsasalita mo o mayroon kang ilang maling paraan ng pamumuhay, mga gawi sa pamumuhay, o mga saloobin sa buhay—halimbawa, mayroon kang baluktot na pagkaunawa tungkol sa pagkain ng isang uri ng pagkain—kakausapin kita at itatama Ko ang iyong mga kaisipan at pananaw. Sa isang banda, mula sa pagkaunawa ng normal na pagkatao, tinutulungan kitang itama ang ilang maling gawi sa pamumuhay, para magkaroon ka ng mga tamang kaisipan at pananaw at maharap mo ang usaping ito nang makatwiran. Sa kabila at mas malalim na banda, ginagawa Ko ito para bigyang-kakayahan kang maunawaan at mapasok ang ilang katotohanan. Isa rin itong pagpapamalas ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos. Higit pa rito, ang iba’t ibang pangangailangan sa pamumuhay ng Diyos sa normal na pagkatao, at kung paano Siya nakikisalamuha sa lahat ng uri ng tao, ay normal din. Ano ang tinutukoy ng “normal” na ito? Narinig na ba ninyo kailanman na inapi Ko ang sinuman, pininsala ang sinuman, siniil ang sinuman, o nilinlang ang sinuman? (Hindi.) Talagang hindi Ko kailanman ginawa ang gayong mga bagay. Sa Aking pagkakakilanlan at katayuan, hindi ba’t napakadali para sa Akin na magsabi ng ilang malupit na salita o sumiil ng isang tao? Karapatan Kong gawin iyon, pero talagang hindi Ako kailanman nang-api ng sinuman, nakipag-away sa sinuman, nakipagtalo sa sinuman, o gumawa ng isyu tungkol sa sinuman nang nakatalikod sila—hindi Ako kailanman nagkaroon ng anuman sa mga pagpapamalas na ito. Kapag nasa gitna ng mga tao, normal lang Akong nakikisalamuha sa kanila; medyo mas lumalapit Ako sa mga may mabuting pagkatao, at lumalayo sa mga may masamang pagkatao. Tumutulong Ako kapag kaya Ko, at hinahayaan Kong mangyari ang mga bagay-bagay nang natural kapag hindi Ko kaya. Tungkol sa mga pagpapamalas na ito ng normal na pagkatao—maging ang mga ito man ay ang lawak ng Aking mga damdamin o mga gawi sa pamumuhay, o ang Aking mga paraan at prinsipyo ng pakikisalamuha sa mga tao—mula sa nakikita, nakakasalamuha, naaarok, at direktang natututunan ninyo, may nakikita ba kayong anumang aspekto na hindi normal? (Walang anumang hindi normal; talagang praktikal ang lahat ng ito.) “Talagang praktikal ang lahat ng ito”—maaaring hindi ito masyadong maunawaan ng ilang tao, kaya hayaan mong itama kita: Ang mga pagpapamalas na ito ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos ay pawang may mga prinsipyo; walang anumang hungkag o mapagpanggap sa mga ito. Ako Mismo ay naniniwala na hindi Ako kailanman nagmataas, at partikular na ayaw Kong nag-uutos; sa halip, gusto Kong gumawa ng tunay na gawain. Itinuturo Ko ang lahat ng Aking nalalaman at nauunawaan, walang itinatago. Nakikita mo, kapag nagbibigay ng tagubilin sa inyo tungkol sa isang partikular na aytem ng gawain na may kinalaman sa mga propesyonal na kasanayan, sinasabi Ko ang lahat ng Aking nalalaman. May itinago ba Ako kailanman? (Wala.) Hindi Ako nagtatago o naglilihim ng mga bagay-bagay; ginagawa Ko ang Aking pinakamakakaya para gabayan at turuan ka. Seryoso kang natututo, naglalaan ng matinding pagsisikap, at nakakapagtiis ng maraming paghihirap, at sa huli, lubos mong natututuhan ang itinuro Ko at nakakakilos ka nang mag-isa, hindi na kinakailangan ang Aking gabay. Lubos itong nagpapasaya sa Akin, at hindi Ako nakakaramdam ng inggit. Hinihikayat pa nga kita na gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa, at handa Akong hayaan kang magkaroon ng mga tagumpay. Kapag mayroon kang mga tagumpay at hinahangaan ka ng lahat, binabati pa nga kita. Kapag natututo ka ng mga bagay mula sa Akin at nagkakaroon ka ng mga tagumpay, at mataas ang tingin sa iyo ng lahat, pinatutunayan nitong may kakayahan ka, at talagang hindi Ako naiinggit; hindi Ko sinusubukang agawin ang atensyon mula sa iyo, ni sinusubukang angkinin ang karangalan mula sa iyo. Hindi Ko sasabihing, “Bakit hindi mo sabihin sa lahat na natutunan mo ito mula sa Akin? Bakit hindi ka nagpapasalamat sa Akin?” Sinasabi Ko, “Nagbahagi lang Ako tungkol sa mga prinsipyo at hindi Ako nagturo nang ganoon karami; ikaw ang nakaarok nito nang mabuti.” Mayroong maraming praktikal na bagay sa loob ng normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos, at sa loob ng pagiging praktikal na ito, maraming kongkretong bagay. Marahil sa pagpapakilala Ko sa Aking Sarili nang ganito, unti-unti itong mauunawaan ng mga nakasalamuha Ko na sa inyo. Napakasimple Ko sa Aking mga pakikisalamuha sa mga tao; prangka Ako, hindi Ako gumagamit ng anumang panlalansi, hindi Ako nagpapakana laban sa mga tao, at hindi Ako nanggagamit ng mga tao, lalong hindi Ko ginagamit ang Aking katayuan para maghari-harian sa iba habang gumagawa ng gawain, o hindi Ko ginagamit ang mga kalamangan ng Aking katayuan para maghanap ng anumang personal na pakinabang. Kung susubukan mong sumipsip sa akin at bolahin ako, nakakaramdam Ako ng matinding di-pagkapanatag at pagkailang, at kailangan Kong lumayo sa iyo. Kung normal kang makikisalamuha sa Akin, nang hindi sinusubukang sumipsip sa akin o bolahin Ako, nakakaramdam Ako ng matinding pagkapanatag, at lubos Akong handang makisalamuha sa iyo.

Sa Aking mga taon ng pakikisalamuha sa mga tao, sa tagal Ko nang nabubuhay, nakasalamuha Ko ang maraming tao ng lahat ng uri sa Aking normal na pagkatao. Nakita Ko na silang lahat—mga taong lubhang komplikado, at mga taong lubhang hangal; mga taong lubhang mapagmataas at hindi makatwiran, at mga taong lubhang masama. Kalaunan, unti-unti, natuklasan Kong talagang magkakaiba ang mga tao. Simple Ako sa Aking mga pakikisalamuha sa mga tao; napakasimple at prangka Akong magsalita, at kaya Ko ring maging bukas. Gayunman, sa pagharap sa lahat ng uri ng tao, nakita Kong masyadong komplikado ang pagkatao sa loob. Pero gaano man kakomplikado ang mga taong nakakaharap Ko, kapag nagpapahayag ng isang bagay o lumulutas ng ilang usapin sa Aking normal na pagkatao, hindi kailanman nagbabago ang Aking paninindigan, mga prinsipyo, mga pamamaraan, at mga personal na kagustuhan. Anuman ang uri ng mga taong pinakikitunguhan Ko, sa huli, ang paraan ng pagtrato Ko sa mga tao ay batay sa mga prinsipyong nasa loob Ko na. Kung isa kang tao na naghahangad ng katotohanan at may pagkatao, maaari tayong mas mag-ugnayan, mas magkasalamuha, at mas magbahaginan, nag-uusap nang taos-puso. Kung hindi ka isang tao na naghahangad ng katotohanan, hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin, at napakasama ng iyong pagkatao, gagawin Ko ang Aking pinakamakakaya para mas bawasan ang pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa iyo; ginagawa Ko lang ang sapat para maging maayos ang pakikitungo sa iyo. Kung kaya mong hanapin ang katotohanan at taimtim na maghanap kapag mayroon kang mga problema, maaari Akong makipagbahaginan sa iyo, pero kung matatanggap mo man ito ay sarili nang usapin. Para naman sa mga nagkikimkim ng mga mapaminsalang intensyon o masamang hangarin, mayroon din Akong mga angkop na pamamaraan at prinsipyo para pangasiwaan at tratuhin sila. Sa panlabas, hindi nagbabago ang paraan ng pagtrato Ko sa kanila; ibinabahagi Ko pa rin ang mga salitang iyon at ginagawa pa rin ang mga bagay na ito, at ito pa rin ang pagpapamalas ng Aking normal na pagkatao—pero hindi ito nangangahulugang hindi Ko nakikita kung anong uri sila ng tao. Mula sa panlabas, nakikita mong palagi Akong ganito, simple ang aking pagtrato sa mga tao, makatwirang tinatrato ang lahat sa normal na pagkatao. Ito ang nakikita mo mula sa panlabas, pero alam mo ba kung ano ang iniisip Ko tungkol sa kanila sa Aking puso? Mayroon Akong mga prinsipyo at pananaw tungkol sa ganitong uri ng tao. Ano ang mga prinsipyo at pananaw na ito? Kung susukatin Ko siya mula sa perspektiba ng konsensiya at katwiran ng Aking normal na pagkatao, hindi malaki ang problema niya; pero kung titingnan Ko ang landas na tinatahak niya at ang magiging kalalabasan niya sa hinaharap mula sa perspektiba ng Aking pagka-Diyos, napakalubha ng problema niya. Samakatwid, sa Akin, minsan ay nagkakasundo ang Aking normal na pagkatao at ang Aking pagka-Diyos. Habang pinagkakasundo Ko ang mga ito, maaaring nagiging mapagparaya Ako sa iyo, binibigyan ka ng pagkakataon, inoobserbahan ka, at hinihintay kitang magbago ng landas, at maaari din na binibigyan ka ng Diyos sa langit ng pagkakataon. Sa Akin, isa itong proseso ng pagkakasundo sa pagitan ng Aking normal na pagkatao at ng Aking pagka-Diyos. Hindi Ko gustong makisalamuha sa iyo, pero dahil, marahil, hindi mo nilabag ang mga atas administratibo o ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, nasa sambahayan ka pa rin ng Diyos. Para sa Akin, mula sa perspektiba ng Aking pagkatao, kaya Kong maging mapagpasensiya sa iyo at hindi malakihin ang isyu ng ginawa mo, pero mula sa perspektiba ng Aking pagka-Diyos, kinondena na kita. Habang kinokondena Ko ang mga tao, at kasabay nito ay pinagbibigyan at pinapatawad sila, at pinalalampas ang mga bagay-bagay, ang ilan ay ibinubunyag ng Diyos, at ang iba ay gumagawa ng malaking kasamaan, nagdudulot ng malulubhang kahihinatnan, at pinatatalsik. Habang naghihintay Ako, ginagampanan pa rin ng ilang tao ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Sa proseso ng paggampan ng mga tungkulin nila, unti-unti silang nag-aayos ng mga bagay-bagay, nagbabago, at nagsusumikap tungo sa katotohanan; nagbabago sila ng landas sa kanilang mga puso. Mula sa perspektiba ng Aking normal na pagkatao, maaari Akong—kapag angkop ito—makisalamuha at makipag-usap sa mga nagbabago ng landas, binibigyan sila ng kaunting pagbabahagi at tulong. Gayunman, sa prosesong ito, hindi pa rin talaga nagbabago ang ilang tao. Mayroon pa rin silang mga pagpapamalas na gaya ng dati, hindi nila hinahangad ang katotohanan at tinatahak pa rin ang orihinal nilang landas. Mula sa Aking perspektiba, kung gayon, anuman ang ginawa mo sa Akin o paano mo man Ako tingnan, tinatrato lang kita bilang isang taong nananampalataya sa Diyos. Gayunman, sa paghatol ng Aking normal na pagkatao, dahil hindi ka pa rin nagbabago hanggang ngayon, magiging napakahirap para sa iyo na gawin ito sa hinaharap. Ang totoo, sa Aking pagka-Diyos, natukoy nang ang ganitong tao ay kabilang sa uri na mamamatay at isang pakay ng paglipol, at sadyang imposible para sa kanya na magbago. Pero ito ay pagtingin dito mula sa perspektiba ng Aking pagka-Diyos. Tutal, may mga limitasyon ang pagkatao—minsan, sa ilalim ng mga limitasyon ng Kanyang konsensiya o pagkamakatwiran, ang nagkatawang-taong Diyos ay magkakaroon ng ilang maka-taong mabubuting layunin at aasamin Niya ang pinakamabuti para sa mga tao; aasamin Niya na ang ilang tao ay magbabago sa isang partikular na panahon, o sa isang partikular na usapin sa hinaharap, o sa isang malaking pangyayari—marahil ay magagawa nilang magbago. Sa gayong mga sitwasyon, binibigyan Niya ng mga pagkakataon ang ilang tao pagdating sa kung paano Niya sila tinatrato.

Sa isang banda, ang normal na pagkataong ito ng nagkatawang-taong Diyos ay nakikipagtulungan sa ilang gawain ng Kanyang pagka-Diyos o nagpapahayag ng ilang opinyon at pananaw. Sa kabilang banda, nagbibigay rin ito ng tulong, o patuloy na kinukumpirma ang ilan sa mga diwa, kalikasan, o landas ng mga tao, na nakikita ng pagka-Diyos ng Diyos. Samakatwid, ang normal na pagkataong ito ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi lang para sa pagpasan ng ministeryo ni Cristo at ng Anak ng tao. Para sa mga tao, ang mas mahalaga ay binibigyang-kakayahan sila nito na magkamit ng mas malaking pagkaunawa sa Diyos sa langit. Ibig sabihin, binibigyan nito ang mga tao ng mas maraming pagkakataon para mas maunawaan ang Diyos sa langit at makita ang higit pa sa Kanyang diwa mula sa nagkatawang-taong Diyos. Sa isa pa ring banda, nagsisilbi ito para mas mapagkasundo ang ugnayan sa pagitan ng tiwaling sangkatauhan at ng Diyos sa langit. Marahil ay hindi ninyo masyadong nauunawaan ang salitang “pagkasunduin.” Kung hindi ninyo ito nauunawaan, wala nang magagawa; wala nang mas angkop na salita. Magbibigay Ako ng isang halimbawa. Kapag nagkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa isang partikular na aspekto ng mga layunin ng Diyos o mga hinihingi ng Diyos, hindi mo matanggap ang mga layunin o hinihinging ito. Nagsisimula kang magkaroon ng mga kaisipan at nagkakaroon ka ng paghihimagsik, at pagkatapos ay hindi mo magawang magpasakop. Sa panahong ito, nauunawaan at isinasaalang-alang ng nagkatawang-taong Diyos ang iyong mga paghihirap at kahinaan. Nagsasalita Siya ng ilang salita, gumagawa ng ilang gawain, at nagbibigay ng ilang halimbawa. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, tinutulungan ka Niyang makita kung ano ang mga layunin ng Diyos, kung nasaan ang mga pagkakamali sa saloobin mo sa Diyos, at kung paano mo dapat baguhin ang mapaghimagsik na kalagayang ito para makamit mo ang pagpapasakop sa Diyos. Sa pamamagitan ng makataong pagbabahaginan o makataong tulong at suporta ng nagkatawang-taong Diyos, napapawi ang iyong mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Pagkatapos, medyo nagbabago ang saloobin mo sa Diyos; nagbabago ito mula sa pagiging mapaghimagsik at mapanlaban tungo sa pagiging handang magpasakop. Pagkatapos ay nakikilala mo ang iyong sarili, kinamumuhian ang iyong sarili, at nauunawaan mong angkop para sa Diyos na kumilos nang ganito, at na mayroong masisidhing layunin ang Diyos. Sa pamamagitan ng gayong pagbabahaginan, pagkakasundo, suporta, at tulong mula sa nagkatawang-taong Diyos, binibigyang-kakayahan ka Niyang maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapakilala kung ano ang disposisyon, diwa, at mga layunin ng Diyos sa langit, at binibigyang-kakayahan ka rin Niyang malaman kung saan ka nagkakamali at kung paano magsisi. Sa sandaling malinaw na maibahagi ang dalawang aspektong ito, at sa huli ay umabot ka sa punto na hindi ka na naghihimagsik laban sa Diyos o lumalaban sa Kanya, at mayroon kang kahandaang magpasakop, medyo magbabago ang saloobin sa iyo ng Diyos sa langit. Hindi ka na Niya kokondenahin at hindi ka na Niya kamumuhian; mapapawi ang Kanyang galit sa iyo. Sa sandaling mapawi ang galit ng Diyos, nakakaramdam ka ng kapayapaan, kaaliwan, at kagalakan sa iyong puso; kapag lumapit ka muli sa harap ng Diyos para magdasal, pakiramdam mo ay mayroon kang mga bagay na sasabihin sa Kanya, nararamdaman mo ang presensya ng Diyos, at panatag at payapa ang iyong puso. Sa pagbabalik-tanaw, napagtatanto mong masyado kang mapaghimagsik sa Diyos noon, at masyadong matindi ang sarili mong kagustuhan, na naging sanhi para kamuhian ka ng Diyos. Pagkatapos ay nakakaramdam ka ng pagsisisi, at kapag nakatagpo mo muli ang gayong mga bagay sa hinaharap, hinding-hindi ka na muling maghihimagsik laban sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan at suporta ng nagkatawang-taong Diyos, ganap na nababago ang saloobin mo sa Diyos, at ang ugnayan mo sa Diyos ay ganap na nagbabago at bumubuti, kaya ang ugnayan mo sa Diyos ay wala na sa dati nitong kalagayan, kundi umuunlad sa isang positibong direksyon. Nakikita mo, kung hindi sinabi ng nagkatawang-taong Diyos ang mga salitang ito o ginawa ang gawaing ito, marahil, dahil sa sarili mong kagustuhan at sa iyong kalikasan, habambuhay kang mamumuhay sa isang kalagayan ng paglaban sa Diyos. Kung gayon ay mananatiling walang pag-usad ang ugnayan mo sa Diyos, at mananatili ito sa gayong masamang siklo. Babaguhin ba ng Diyos sa langit ang Kanyang saloobin sa iyo dahil nananatili kang walang pag-usad sa Diyos nang ganito? Imposible iyon. Kung mananatili kang walang pag-usad sa Diyos nang ganito, ang Diyos ay magbabago mula sa pagkasuya sa iyo at pagkamuhi sa iyo tungo sa pagtataboy sa iyo. Sa sandaling umabot ito sa punto na itinataboy ka Niya, mayroon ka pa bang pagkakataon na matamo ang kaligtasan? (Wala.) Wala ka nang magiging pagkakataon, at hahayaan ka na ng Diyos. Sa sandaling hayaan ka Niya, ang buhay mo bilang isang mananampalataya ay nagtatapos na roon. Hindi Ko na gugustuhing iligtas ka, at hindi na kakailanganin na makipag-ugnayan Ako sa iyo. Ganap kang paaalisin mula sa mga hanay ng mga inililigtas Ko. Hindi Ko na gugustuhing makita ka muli, dahil sa panahon na naghintay Ako, hindi ka kailanman nagbago ng landas. Hindi gumana ang iyong konsensiya at katwiran, at walang sinuman ang nakapagpabago sa iyo ng landas. Binigyan kita ng mga pagkakataon sa loob ng napakahabang panahon, ngunit hindi ka nagbago ng landas. Samakatwid, sa mga sitwasyong tulad nito, kung walang lilitaw para pagkasunduin ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao, mawawasak ang ugnayan mo sa Diyos. Ang panghuling resulta ay itataboy ka ng Diyos, habambuhay kang mahihiwalay mula sa liwanag ng mukha ng Diyos, at hindi ka na magiging isang nilikha sa paningin ng Diyos; ganap kang mamamatay, kung gayon. Gayunman, ang presensya ng nagkatawang-taong Diyos ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na pagkasunduin ang ugnayan mo sa Diyos. Kung hindi nagpakita at gumawa ang nagkatawang-taong Diyos, sa sandaling mawalan ng pag-usad ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos sa langit, madali itong hahantong sa pagtataboy ng Diyos sa sangkatauhan. Magiging imposible para sa mga tao na magkamit ng pagkakataon o ng anumang uri ng mensahe mula sa isang ikatlong partido o sa mundo sa labas para maayos ang ugnayan nila sa Diyos. Tanging ang nagkatawang-taong Diyos ang makagagampan sa papel na ito at makagagawa ng gawaing ito; Siya ay nagiging isang tagapagkasundo sa pagitan ng Diyos sa langit at ng sangkatauhan. Sa gayong pagkakasundo, hindi namamalayang nagkakamit ang buong sangkatauhan ng mas marami pang pagkakataon sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang mga pagkakataong ito ay kinakailangan para matamo ng mga tao ang kaligtasan, at walang sinuman ang makagagawa nang wala ang mga ito. Hinahangad mo man ang katotohanan sa kasalukuyan o hahangarin mo man ang katotohanan sa hinaharap, hangga’t gusto mong matamo ang kaligtasan, ang mga pagkakataong ito ang pinakamahahalagang bagay sa iyo. Samakatwid, ang papel na ito ng nagkatawang-taong Diyos ay napakahalaga sa iyo! Ang normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos ay isang kailangang-kailangang bahagi ng nagkatawang-taong Diyos. Tanging ang normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos ang makakakita sa gayong pagkakataon, makakahawak sa gayong pagkakataon, makakaalam na kailangan ng sangkatauhan ang gayong pagkakataon, at makakatiyak sa gayong pagkakataon para sa sangkatauhan, at sa gayon ay nilulutas ang problema ng walang pag-usad na ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Pero kung ang nagkatawang-taong Diyos ay walang normal na pagkatao at mayroon lang pagka-Diyos, mananatili ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos bilang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos sa langit. Kung gayon, masasabing magiging napakahirap para sa mga tao na magkamit ng pagkakataong matamo ang kaligtasan, at na maayos ang ugnayan nila sa Diyos. Dahil may normal na pagkatao ang nagkatawang-taong Diyos, at dahil taglay ng normal na pagkataong ito ang konsensiya at katwiran ng pagkatao, nakikita Niya—sa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao—kung ano ang mga pinakapunto, dahilan, at ugat na sanhi ng iba’t ibang alitan na lumilitaw sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Tungkol naman sa kung paano lulutasin ang mga alitan at ugat na problemang ito para wala nang maging anumang alitan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at para hindi na mawalan ng pag-usad ang ugnayan nila, tanging ang Anak ng tao na namumuhay sa loob ng saklaw ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao—ang nagkatawang-taong Diyos—ang makakakita nito, ang aktuwal na makakalutas sa problemang ito, at makakagawa ng gawaing ito. Sa ganitong paraan, sa proseso ng paghihimagsik laban sa Diyos at sa proseso ng pagtatamo ng kaligtasan, patuloy na malulutas ng mga tao ang paghihimagsik nila sa Diyos, ang paglaban nila sa Diyos, at ang pagsalungat nila sa Diyos, hindi ba? (Oo.) Habang nilulutas mo ang mga problemang ito ng paghihimagsik, pagsalungat, at paglaban sa Diyos, patuloy kang pinapatawad ng Diyos, tinatanggap ka Niya, at pinagkakalooban ka Niya ng pagkilala. Mula sa paghihimagsik, pagsalungat, at paglaban ay patuloy mong ipinagtatapat ang iyong mga kasalanan at nagsisisi ka, at pagkatapos ay nagkakaroon ka ng kahandaang tanggapin ang katotohanan, natatamo mo ang taimtim na pagpapasakop, at hindi ka na naghihimagsik laban sa Diyos. Sa prosesong ito, pinapatawad ka ng Diyos, at pagkatapos ay nakakamit mo ang katotohanan, unti-unti kang lumalapit sa harap ng Diyos, unti-unting pinabubuti ang ugnayan mo sa Diyos, at unti-unting tinatanggap ng Diyos. Nakikita mo, sino ang pinakanakikinabang dito? (Mga tao.) Nakikinabang nang labis ang mga tao! Ang prosesong ito ay nagbibigay-kakayahan sa iyo na makita ang pag-asa ng pamumuhay, at ang pag-asa ng pananatiling buhay. Pero bago ginawa ng nagkatawang-taong Diyos ang Kanyang gawain, mayroong maraming kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa Diyos, at ng lahat ng uri ng paghihimagsik; mayroong maraming problema sa ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos. Sa panahon na gumawa at nagpahayag ng napakaraming katotohanan ang nagkatawang-taong Diyos, unti-unting nalutas ang mga problemang ito ng sangkatauhan. Unti-unting bumuti ang mga pananaw, saloobin, paninindigan, at perspektiba ng mga tao sa Diyos, at habang unti-unting bumuti ang mga ito, nagbago rin ang mga saloobin ng mga tao sa Diyos. Kapag nagbago ang mga tao, saka lang sila unti-unting pagkakalooban ng Diyos ng pagkilala, unti-unti silang tatanggapin at magugustuhan, at unti-unting bibitiwan ang Kanyang pagkamuhi, pagkasuklam, pagtataboy, at mga sumpa sa kanila. Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, gaano man karaming lakas ang inilaan mo o gaano man kalaking halaga ang ibinayad mo sa iyong pananampalataya sa Diyos sa mga taong ito, magagawa mo bang makamit ang mga pakinabang na ito? (Hindi.) Kung wala ang nagkatawang-taong Diyos, hindi kailanman bubuti ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ang pinakamahalagang punto tungkol sa nagkatawang-taong Diyos ay mayroon Siyang normal na pagkatao at namumuhay Siya sa loob ng normal na pagkatao. Tanging sa pamamagitan ng pamumuhay sa loob ng normal na pagkatao, pagtataglay ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao, at pagkakaroon ng kakayahang wastong mag-isip, humusga, at gumawa ng mga pasya, gayundin ang umunawa at kumilala sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, normal Niyang maibibigay, nang paunti-unti, ang iba’t ibang katotohanang kailangan ng mga tao, para unti-unting matanggap at makilala ng Diyos ang mga tao. Sa ganitong paraan lang makakaahon ang mga tao mula sa kanilang iba’t ibang tiwaling disposisyon, hindi na maghihimagsik laban sa Diyos, at hindi na mamumuhay sa ilalim ng gapos ni Satanas para lumaban sa Diyos, kundi sa halip, sa proseso ng pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan—ibig sabihin, sa proseso ng paggawa ng Diyos ng Kanyang gawain—unti-unti silang nagkakaroon ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at tunay na takot sa Diyos. Kaya, paano mo man ito tingnan, ang kabuluhan ng nagkatawang-taong Diyos sa sangkatauhan ay sadyang napakalaki!

Ang pangunahing representasyon ng nagkatawang-taong Diyos ay ang normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos, at ang normal na pagkataong ito ay kailangang-kailangan. Kaya, kung mayroon kang maraming kuru-kuro tungkol sa normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos na hindi mo kailanman mabitiwan, at madalas mong ikumpara ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, sinasabi Kong ganap kang walang pagkatao. Nakatanggap ka ng napakarami mula sa normal na pagkataong ito ng Diyos, pero hindi mo man lang alam kung paano mo nakamit ang iba’t ibang aspektong ito ng katotohanan. Hindi ba’t bulag ka? Wala kang konsensiya, hindi ba? (Wala.) Wala kang konsensiya at hindi mo alam kung paano gumagana ang mga bagay-bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos para magsalita at gumawa, matagal na sana nating natamo ang kaligtasan, at matagal na sana tayong nadala paitaas sa harap ng Diyos.” Hindi ba’t walang-katotohanan ang pagsasabi ng mga bagay na ito? Hindi ba’t masyadong baligho na sabihin ang gayong mga bagay? (Oo.) Kung wala ang mga salita at gawain ng nagkatawang-taong Diyos sa mga taong ito, buhay pa kaya kayo ngayon? Kaya, kung pagkatapos sumunod sa nagkatawang-taong Diyos sa loob ng napakaraming taon, at makinig sa Kanyang magbahagi tungkol sa katotohanan sa loob ng napakaraming taon, malalim mong naramdaman at napahalagahan, “Ang gawaing ginawa ng nagkatawang-taong Diyos ay may napakalaking pakinabang sa akin! Tunay akong nakinabang nang napakalaki!”—kung tunay mong mapapahalagahan ito, ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nito na mayroon kang konsensiya, at tama ang iyong pagkaunawa. Ang mga taong walang konsensiya at katwiran ay hindi pa rin ito mapahalagahan kahit ngayon, na siyang mapanganib. Kung hindi nila ito napahalagahan sa ngayon, mapapahalagahan ba nila ito sa loob ng dagdag na dalawampung taon? Tiyak na hindi. Malinaw na ang ganitong tao ay walang konsensiya. Hindi lang sa hindi nila kayang pahalagahan na ang mga salita at gawain ng nagkatawang-taong Diyos ay pawang kaligtasan para sa mga tao, kundi sasabihin din nila, “Ano ba ang nakamit ko sa pananampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon?” Nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan—hindi ba’t nakamit mo ang mga ito? Hindi ba’t nararamdaman mong ang katotohanan ang pinakamahalagang bagay? Kung hindi mo nararamdaman na ang katotohanan ang pinakamahalagang bagay, hindi ka isang tunay na mananampalataya; isa ka lang palamunin. Kung hindi mo naramdaman na nakamit mo ang katotohanan, wala kang konsensiya. Ang isa tao bang walang konsensiya ay isang tao? (Hindi.) Ang isang taong walang konsensiya ay hindi isang tao. Nakikita mo, kahit ilang taon pang mabuhay ang isang hayop, hindi nito kailanman malalaman na umiiral ang Lumikha; at kahit ilang sampung libo o daan-daang milyong taon pang mabuhay ang isang diyablo, hindi nito kailanman kikilalanin ang pag-iral ng Diyos. Kokondenahin ba ang mga hayop dahil hindi nila alam na umiiral ang Diyos? (Hindi.) Nabubuhay ang mga aso nang humigit-kumulang sampung taon, nabubuhay ang mga kabayo nang dalawampu o tatlumpung taon, at ang mga elepante ay maaaring mabuhay pa nga nang higit sa isandaang taon. Hindi nila alam ang tungkol sa pag-iral ng Lumikha, pero wala sa kanila ang kinokondena dahil dito, dahil ang klasipikasyon nila ay sa mga hayop. Walang hinihingi ang Diyos sa mga ito, at hindi rin Niya inililigtas ang mga ito. Iba ang mga tao. May mga inaasahan ang Diyos sa mga tao at inilagay Niya ang Kanyang mga pag-asa sa kanila. Dahil naranasan mo ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos sa loob ng napakaraming taon, dapat ay kaya mong pahalagahan ito, hindi ba? Kung gayon, paano dapat tratuhin ng mga tao ang nagkatawang-taong Diyos? Bumabalik ang lahat ng ito sa sinabi Ko na noon: Gaano man tila hindi umaayon ang nagkatawang-taong Diyos sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon o sa kung ano ang gusto mo—marahil ay hindi Siya kasintangkad mo, hindi kasingganda ng hitsura mo, walang kaalaman at edukasyon na kasingdami ng sa iyoo, at walang katayuan sa lipunan na kasingtaas ng sa iyo—kung kaya mong maunawaan na ang mga katotohanang ibinahagi Niya sa loob ng mga taon na ito ay nagbigay-kakayahan sa iyo na umani nang malaki at makamit ang katotohanan, dapat mong tanggapin ang katunayan na Siya ay Diyos at taglay Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos. Kung tunay kang may pagkamakatwiran, hindi mo dapat palaging ikumpara ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit. Mayroon bang anumang saysay sa pagkukumpara sa Kanila nang ganoon? Sa palaging pagkukumpara sa Kanila nang ganito, inilalagay mo lang ang iyong sarili sa isang mahirap na posisyon; gayundin, kamumuhian ka ng Diyos, at sa huli ay wala kang makakamit. Ang palaging pagkukumpara sa Kanila nang ganito ay makakaapekto sa iyong pagkamit sa katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Samakatwid, dahil lang sa ang mga katotohanang ipinahayag ng nagkatawang-taong Diyos ay makapagbibigay-kakayahan sa iyo na matamo ang kaligtasan, hindi mo na dapat ikumpara ang nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, at dapat mong tanggapin ang nagkatawang-taong Diyos; hindi pa huli ang lahat para tanggapin Siya ngayon. Sinasabi ng ilang tao, “Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng pagtanggap? Nakikinig naman ako sa Iyong mga sermon sa buong panahong ito, hindi ba? Hindi ba’t pagtanggap iyon?” Ang pakikinig sa mga sermon ay hindi katumbas ng pagtanggap. Kung gayon, ano ba talaga ang pagtanggap? Pagbulay-bulayan ninyo ito: Ano ang mga pagpapamalas ng hindi pagtanggap sa Kanya, at ano ang mga pagpapamalas ng pagtanggap sa Kanya? Pagbulayan ninyo ito at magbahaginan kayo tungkol dito. Tapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito para sa araw na ito. Paalam!

Hulyo 27, 2024

Sinundan: Paano Hangarin ang Katotohanan (21)

Sumunod: Paano Hangarin ang Katotohanan (26)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito