Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (18)
Labis na espesyal ang nilalaman ng ating pagbabahaginan kamakailan. Nasangkot dito ang mga pinagmulan ng mga tao, ang kanilang mga diwa, at ang kanilang mga klasipikasyon. Tinalakay natin ang mga pagpapamalas ng tatlong uri ng mga tao, bawat isa ay may naiibang klasipikasyon—ang pagrereinkarnasyon mula sa mga hayop, pagrereinkarnasyon mula sa mga diyablo, at pagrereinkarnasyon mula sa mga tao. Para sa karamihan ng mga tao, nagkaroon ito ng kaunting epekto sa kanilang lagay ng loob. Ano ang nararamdaman ng karamihan sa inyo matapos marinig ang pagbabahaginan sa aspektong ito? Mayroon ba sa inyo na ayaw makinig sa nilalamang ito at nagsasabing, “Ang mga bagay na ito ay tila walang kaugnayan sa katotohanan. Mayroon bang anumang pakinabang sa pagkaalam sa mga bagay na ito?” Kapag naririnig ng mga bagong mananampalataya ang mga salitang ito, malamang ba na magkaroon sila ng mga kuru-kuro? Malamang ba na maging negatibo at manghina sila? Anuman ang maramdaman ng mga tao matapos marinig ang mga salitang ito—magkaroon man sila ng mga kuru-kuro o maging negatibo at manghina—ano’t anuman, ang pakikipagbahaginan ng mga salitang ito ay kapaki-pakinabang sa mga tao. Kahit papaano, binibigyang-kakayahan nito ang mga tao na magkamit ng kaunting kabatiran at pagkilatis, na maunawaan ang mga tamang kaisipan at pananaw sa pag-asal, at na maunawaan ang mga pangunahing prinsipyo kung paano umasal. Napakalaki ng pakinabang dito ng mga tao sa usapin ng kung paano umasal at kung paano mamuhay. Sa partikular, tinutulungan nito ang mga tao na malaman kung paano tratuhin ang iba ayon sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, mababawasan nila ang paggawa ng maraming kahangalan at mababawasan ang kanilang mga paglihis. Nasangkot sa nilalaman ng ating pagbabahaginan kamakailan ang mga pinagmulan ng mga tao at ang kanilang panloob na diwa, at nagtapos tayo sa pag-uusap tungkol sa mga pagpapamalas na taglay ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga tunay na tao. Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga tunay na tao ay pangunahing nagtataglay ng dalawang katangian. Ano ang mga iyon? (Pagkilatis ng tama sa mali, at pagkaalam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto.) Ang mga ito ang dalawang pangunahing pagpapamalas at katangian na dapat taglayin ng pagkatao ng isang tao. Sa malawak na pananalita, ang mga ito ang madalas nating tinutukoy bilang konsensiya at katwiran. Gayumpaman, madalas na hindi alam ng mga tao kung paano makilatis kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran, o kung ang isang tao ay tunay na mayroong konsensiya o katwiran, kung normal ang kanyang konsensiya at katwiran, o kung ang mga ito ay ang konsensiya at katwirang taglay ng normal na pagkatao. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang mga katunayang ito tungkol sa normal na pagkatao, ang kanilang mga pananaw o pagkaunawa sa konsensiya at katwiran ay labis na pangkalahatan lamang, kaya gumamit tayo ng dalawang aspekto ng mga partikular na pagpapamalas para ipaliwanag kung ano ang konsensiya at katwiran ng tao at para kumpirmahin kung ang isang tao ay may pagkatao. Ang una ay ang pagkilatis ng tama sa mali, at ang pangalawa ay ang pagkaalam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto. Dalawang beses na nating napagbahaginan ang dalawang aspektong ito. Ang pagkilatis ng tama sa mali at pagkaalam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto ay mga katangian ng pagkatao, mga naisabuhay na aspekto ng pagkatao, at mga partikular na pagbubunyag at pagpapamalas ng pagkatao na taglay ng mga tao. Para sa dalawang aspektong ito—ang pagkilatis ng tama sa mali at pagkaalam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto—naglista Ako ng ilang naaayong tunay na halimbawa at tinalakay Ko ang ilang partikular na pagpapamalas ng mga tao sa loob ng dalawang aspektong ito, at ipinakilatis Ko sa inyo kung ang mga ito ba ay mga pagpapamalas ng pagkakaroon ng pagkatao o hindi, at kung ang mga nagtataglay ng mga ito ay mga taong nakakakilatis ng tama sa mali at nakakaalam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto. Tungkol naman sa pagkilatis ng tama sa mali, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang kaso para himayin kung paano tinatrato ng mga tao ang mga positibo at negatibong bagay, at nagbahaginan din tayo kung paano kilatisin ang mga negatibong bagay at mga pagpapamalas ng mga hindi tao. Bagama’t hindi Ako nagbigay ng mas partikular na mga halimbawa para sabihin sa inyo kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, sa pamamagitan ng paghihimay at paglalantad sa ilang pagpapamalas ng mga tao sa mga positibong bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ipinakita Ko kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang mga positibong bagay at kung anong mga saloobin ang dapat taglayin ng isang tao sa mga ito. Nagbigay rin Ako ng ilang halimbawa para ilantad ang mga saloobin at pagpapamalas ng mga tao sa mga negatibong bagay, para matutunan ninyong kilatisin kung ano ang kalikasan ng mga saloobin at pagpapamalas ng mga negatibong karakter na ito, kung ang kanilang pagkatao ba ay tunay na pagkatao o hindi, at kung ano ang diwa ng kanilang pagkatao. Sa ating huling dalawang pagbabahaginan, hindi natin partikular na ipinaliwanag kung ano ang mga positibo at negatibong bagay, pero batay sa mga katunayang inilantad, hindi ba’t dapat ay kaya na ninyong bigyang-depinisyon ang mga positibo at negatibong bagay? Matapos makinig sa pagbabahaginan, naibuod ba ninyo kung ano nga ba talaga ang mga positibo at negatibong bagay? Kung, matapos makinig sa partikular na nilalamang ito ng pagbabahaginan, mayroon ka nang depinisyon sa iyong puso, dahil nalalaman mo kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, at nauunawaan mo ang katotohanan sa usaping ito, malalaman mo kung paano kilatisin at tratuhin ang mga positibo at negatibong bagay, tama ba? (Oo.)
Ano ang mga positibong bagay? Hindi ba’t isa itong isyu na dapat maunawaan? Marahil ay makapagbibigay kayo ng ilang halimbawa ng mga positibong bagay, tulad ng matuwid na disposisyon ng Diyos, pagiging kaibig-ibig ng Diyos, gawain ng Diyos, mga layunin ng Diyos para sa tao, mga hinihingi ng Diyos sa tao, pati na ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan, bawat detalyado at partikular na katotohanang prinsipyong nakapaloob sa katotohanan—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Makapagbibigay kayo ng ilang partikular na halimbawa ng mga positibong bagay, kaya makapagbibigay ba kayo ng ilang partikular na halimbawa ng mga negatibong bagay? Isang negatibong bagay ba ang tradisyonal na kultura? (Oo.) Mga negatibong bagay ba ang masasamang kalakaran? (Oo.) Isang negatibong bagay ba ang paghahangad ng opisyal na karera? (Oo.) Isang negatibong bagay ba ang paghahangad ng malaking kayamanan? (Oo.) Lahat ng ito ay mga negatibong bagay. Ano pa? (Iyon lang ang naiisip ko.) Hindi ninyo kailanman pinagninilayan ang mga bagay na ito sa inyong puso; palaging lumilipad ang isipan ninyo. Gayumpaman, karaniwan ninyong nararamdaman na matapos manampalataya sa Diyos at gawin ang inyong tungkulin sa loob ng maraming taon, dahil nakakain at nakainom na kayo ng maraming salita ng Diyos, marami na kayong naunawaang katotohanan. Kung gayon, bakit pagdating sa mga partikular na bagay, wala kang pananaw? Saan napunta ang lahat ng naunawaan mo? Kung hihilingin sa iyo na gamitin ang mga katotohanang nauunawaan mo para himayin ang diwa ng isang isyu at ipaliwanag nang malinaw ang diwa nito, at sa gayon ay matulungan ang mga tao na maunawaan ang mga katotohanang nasasangkot at ang mga layunin ng Diyos, para hindi lang nila makilatis ang mga negatibong bagay kundi malaman din kung ano ang mga positibong bagay at ang mga katotohanang prinsipyong nasasangkot, wala kang masabi, hindi mo alam kung ano ang sasabihin. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng hindi pagkaunawa sa katotohanan? (Oo.) Kung gayon, ano ang lahat ng pagkaunawang iyon na karaniwan mong sinasabi? (Mga salita at doktrina.) Lahat ng iyon ay mga salita at doktrina. Ang ilang tao, kapag nagsusulat ng mga tala ng espirituwal na debosyon, ay nasusumpungan na ang kanilang mga kaisipan ay dumadaloy na parang bukal, at ang kanilang pagsulat ay tila ginabayan ng Diyos; nagsusulat sila sa paraang napakaorganisado, at naaantig nila ang kanilang sarili hanggang sa puntong nangingilid ang luha sa kanilang mga mata at bumubuhos ito sa kanilang mga mukha. Gayumpaman, kapag hiniling sa kanilang ilapat ang kanilang isinulat sa tunay na buhay para kilatisin ang iba’t ibang tao, matalos ang iba’t ibang bagay, at lutasin ang iba’t ibang problema, hindi nila ito kaya. Marami silang nauunawaang doktrina, pero sadyang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Dahil dito, hindi nila matalos ang anumang bagay na kanilang kinakaharap, at hindi nila malutas ang anumang problemang kanilang natutuklasan. Ano ang silbi ng pagkaunawa nila sa napakaraming doktrina? Tunay na kahabag-habag ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan! Ang mga mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ay nakakaunawa ng maraming doktrina subalit hindi makalutas ng anumang tunay na problema. Tunay na kahabag-habag ito. Bumalik tayo sa paksa, ipagpatuloy natin ang ating pagbabahaginan tungkol sa kung ano ang mga positibong bagay. Dapat na maging malinaw ang aspektong ito ng katotohanan. Kung gagawa tayo ng pangkalahatang pahayag at sasabihin natin, “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay,” tama ba ang mga salitang ito? (Oo.) Ang “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay” ay isang katotohanan, pero kung hindi mo nauunawaan kung ano ang partikular na tinutukoy ng pahayag na ito o kung ano ang tinutukoy ng katotohanan sa loob nito, ang nauunawaan mo ay doktrina. Kung sa maraming bagay ay mayroon kang pagpapahalaga at tunay na pagkaunawa sa pahayag na ito, at kaya mo ring magbahagi ng ilang detalye para patotohanan ang iyong pananaw, kung gayon, ang iyong pananaw ay may mga salita ng Diyos bilang batayan nito, at pinatutunayan nito na nauunawaan mo ang ilang katotohanan. Maraming tao ang nagsasabi, “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay.” Sa teorya, tama ang pahayag na ito, at isa rin itong aspekto ng katotohanan. Kaya, sa partikular, ano ang mga positibong bagay? Dapat magkaroon ng partikular na paliwanag para sa “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay.” Kung gayon, anong mga bagay ang mga positibong bagay? Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay: Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay. Tama ba ang paliwanag na ito? Ginagawa ba nitong partikular ito? (Oo.) Sa ganitong paraan, ang pahayag na “Lahat ng nagmumula sa Diyos ay isang positibong bagay” ay hindi lang nananatili sa teoretikal na antas, kundi nagiging isang katotohanang prinsipyo. Malinaw ba ang pagkakasabi nito sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, basahin ninyo ang pangungusap na ito na nagbibigay-kahulugan sa mga positibong bagay. (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Ano ang nararamdaman ninyo matapos basahin ang pangungusap na ito? Nagsimula na bang maging malinaw sa inyong puso ang kahulugan o saklaw ng mga positibong bagay? (Oo.) Kung gayon, basahin ninyo itong muli. (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Kapag nagbabasa kayo ng mga salita ng katotohanan, dapat ninyong matutunang basahin ang mga ito nang dahan-dahan at namnamin ang mga ito nang mabuti. Dapat ninyong matutunang basahin ang mga ito nang may mabagal na ritmo, binabasa ang mga ito nang seryoso at taimtim sa bilis na mauunawaan, para matapos marinig ng lahat ang mga ito, bawat salita at pangungusap ay nakaukit sa kanilang puso at nag-iiwan ng malalim na impresyon, at mula noon, ang pahayag na ito ay nagiging isang batayan at pamantayan ng mga salita ng Diyos kung saan nila sinusukat sa kalooban ang isang partikular na uri ng bagay. Magiging napakainam niyon. Basahin ninyo itong muli. (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Medyo mabilis pa rin iyon. Sabihin ninyo sa Akin, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi ba’t dapat kayo ay maging seryoso, at maging may kabanalan din? (Oo.) Kung babasahin ninyo ang mga salita ng Diyos nang hindi seryoso at nang kasimbilis ng pagbabasa sa isang artikulo ng isang walang pananampalataya, ano ang mararamdaman ng mga nakikinig? (Hindi sila makakaramdam ng anumang kabalanan.) Kung gayon, para basahin ang mga salita ng Diyos nang may kabanalan, paano ninyo dapat basahin ang mga ito? Ano ang dapat na maging bilis nito? (Dapat naming basahin ang mga ito nang seryoso at taimtim, basahin ang bawat salita, sa paraang madagundong at makapangyarihan.) Tama. Kung gayon, basahin ninyo itong muli, at sikaping gawin itong madagundong at makapangyarihan. (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Ngayong nabasa na nang ilang beses ang pangungusap na ito, dapat ay naisaulo na ninyo ito, tama ba? (Oo.) Binibigyang-diin ng pangungusap na ito ang tatlong bagay. Ano ang una? (Kung ano ang nilikha ng Diyos.) Ano ang pangalawa? (Kung ano ang inorden ng Diyos.) At ano ang pangatlo? (Kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) At ano ang lahat ng bagay na ito? (Lahat ng ito ay mga positibong bagay.) Naisaulo na ninyo ito, tama ba? (Oo.) Ang pagsasaulo sa katotohanan at pag-ukit nito sa puso ng isang tao ay lubhang kapaki-pakinabang para sa pag-unawa sa lahat ng katotohanang prinsipyo, para sa pagkilatis sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at para sa pagkakaroon ng tamang paninindigan at pananaw sa mga ito, at para sa kakayahang piliin ang tamang landas at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo para mapalugod ang Diyos.
Katatalakay lang natin kung ano ang mga positibong bagay. Lahat ng bagay at pangyayari sa loob ng saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay. Kung gayon, napakaraming positibong bagay. Una, lahat ng uri ng bagay na may buhay at walang buhay na nilikha ng Diyos ay mga positibong bagay. Ang mga bagay na may buhay ay mga anyo ng buhay na may kakayahang kumilos, na nakakahinga, at nagtataglay ng sigla. Anuman ang istruktura ng buhay ng mga ito, o anuman ang mga batas at alituntunin ng buhay ng mga ito, hangga’t nilikha ng Diyos ang mga ito, hangga’t nagmula sa Diyos ang mga ito, ang mga ito ay mga positibong bagay. Kahit pa hindi mo gusto ang mga ito, kahit pa hindi nakaaayon sa iyong mga kuru-kuro ang mga ito, at kahit pa walang pakinabang sa mga tao o kaya pa ngang makapinsala sa kanila ang mga ito, hangga’t ginawa ng Diyos at inorden Niya ang mga ito, ang mga ito ay mga positibong bagay. Pero may mga kuru-kuro ang ilang tao tungkol dito. Naniniwala sila na ang masasamang hayop at mga hayop na nakakapinsala sa mga tao—tulad ng mga soro, mga lobo, o mga hayop na kumakain ng tao—ay hindi mga positibong bagay kundi mga negatibong bagay. Ang pananaw na ito ay salungat sa mga pagnanais ng Diyos at ganap at lubos na mali. Sa katunayan, anuman ang nilikha ng Diyos, hangga’t hindi Niya ito kinokondena, ay isang positibong bagay. Hindi ito dapat idiskrimina ng mga tao, at hindi rin nila ito dapat kondenahin at hindi sila dapat gumamit ng pagpatay o anumang iba pang malupit na paraan para pakitunguhan ito dahil nasusuklam sila rito. Dapat hayaan ng mga tao ang likas na takbo nito. Kahit na hindi mo ito protektahan, dapat mo pa rin itong bigyan ng espasyo para mabuhay, at hindi mo ito dapat pinsalain, dahil nagmula ito sa Diyos. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa lahat ng iba’t ibang nilikha na ginawa ng Diyos. Hangga’t ang isang bagay ay nilikha ng Diyos, gusto mo man ito o hindi, kung ito man ay maganda o pangit, kung ito man ay palakaibigan o banta sa iyo, kung ito man ay hindi nakikita ng mga mata o nakikita mo ito, kung may epekto man ito sa iyong buhay, o anuman ang kaugnayan nito sa pananatiling buhay ng tao, dapat mong ituring ito at ang lahat ng gayong bagay nang pantay-pantay, tratuhin ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, at igalang ang mga ito; bigyan mo ang mga ito ng espasyo para mabuhay, igalang mo ang mga paraan ng mga ito para mabuhay at ang mga batas ng mga ito para mabuhay, at igalang mo rin ang lahat ng mga aktibidad ng mga ito. Hindi mo dapat pinsalain ang mga ito. Sa pinakamababa, dapat mong magawang mamuhay kasama ng mga nilikhang ito, at hindi kayo dapat manghimasok sa isa’t isa. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan at maarok ng mga tao, at siyempre, ito ay lalo nang isang prinsipyo na dapat sundin sa pagtrato ng isang tao sa iba’t ibang nilikha; talagang hindi dapat pakitunguhan ng isang tao ang mga ito nang may mga kuru-kurong nagmumula sa kalooban ng tao o maging nang may pagkamainitin ng ulo. Dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan sa mga bagay na may kaugnayan sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos.
Ang isa pang aspekto tungkol sa kahulugan ng mga positibong bagay ay may kaugnayan sa kung ano ang inorden ng Diyos, at ang saklaw ng inorden ng Diyos ay napakalawak. Sa pangkalahatan, halimbawa, ang haba ng buhay, anyo, likas na kalikasan, at mga gene ng iba’t ibang bagay na may buhay, pati na ang mga paraan ng pamumuhay ng mga ito, ang mga pattern ng aktibidad ng mga ito, ang mga pamamaraan sa pagkuha ng pagkain at pagpaparami ng mga ito, at ang mga pattern ng pamumuhay ng mga ito para umangkop sa apat na panahon, na kinabibilangan ng mga direksyon ng migrasyon at mga saklaw ng aktibidad ng mga ito; bukod pa rito, ang apat na panahon, mga lokasyon ng mga bundok, ilog, at lawa, at mga anyo ng pag-iral ng iba’t ibang bagay na may buhay o walang buhay sa lupa na inorden ng Diyos, at iba pa—dapat ding igalang ng mga tao ang mga bagay na ito na nasa loob ng saklaw na ito, bigyan ang mga ito ng espasyo para mabuhay, at huwag gumamit ng kalooban ng tao o mga artipisyal na paraan para puksain, pakialaman, o pinsalain ang mga ito. Halimbawa, ang mga tigre ay ipinanganak para kumain ng mga erbiboro; ang mga zebra, antelope, elk, at ilang maliit na hayop ay pawang biktima ng mga tigre. Ito ay paraan ng isang nilikha sa pagkuha ng pagkain, at ang saklaw kung saan ginagawa nito ito; ito ay isang alituntunin ng pamumuhay nito. Kaya, ano ang nasasangkot sa alituntuning ito ng pamumuhay? Nasasangkot dito ang pag-orden ng Diyos. Dahil inorden ito ng Diyos, anuman ang tingin dito ng mga tao mula sa isang perspektibang batay sa kuru-kuro—nakikita man nila ito bilang kahanga-hanga, o bilang madugo at malupit—tiyak na isa itong positibong bagay. Ito ay ganap na tiyak, at hindi mo ito maipagkakaila. Kahit pa nararamdaman mo sa iyong puso na ang isang tigreng nanghuhuli ng mga hayop ay napakamadugo at napakalupit, at hindi mo man lang matiis na makitang nangyayari ang gayong kalunus-lunos na eksena, dapat mong igalang ang paraan ng pamumuhay sa mundo ng mga hayop. Hindi mo dapat hadlangan o limitahan ito, lalo nang hindi mo dapat artipisyal na pakialaman o pinsalain ang ekolohikal na kapaligirang ito. Sa halip, dapat mong hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito, at protektahan ang kapaligirang pinamumuhayan ng mundo ng mga hayop. Hindi mo dapat alisan ang iba’t ibang hayop ng kanilang karapatang mabuhay. Ang panghuhuli at pagkain ng mga karniboro ng mga erbiboro o iba pang hayop ay isang alituntunin ng pamumuhay ng mga ito, at ang alituntuning ito ng pamumuhay ay nilikha ng Diyos at inorden ng Diyos. Hindi ito dapat pakialaman o pinsalain ng sangkatauhan kundi dapat hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito? Ibig sabihin nito, kapag nakakita ka ng isang tigre o anumang iba pang karniboro na nanghuhuli ng isang antelope o iba pang biktima, kung may sapat kang lakas ng loob, maaari kang manood mula sa malayo at huwag makialam. Kung mahina ang loob mo at hindi mo kayang panoorin ang eksenang ito ng madugo at nakamamatay na labanan, huwag kang manood, pero hindi mo dapat kondenahin ang ugali ng mga karniborong ito na manghuli ng hayop dahil hindi mo kayang makita ang madugong eksena, lalo nang hindi ka dapat magreklamo na isang pagkakamali para sa Diyos na likhain ang mga karniboro na ito; ito ay isang pagkilos na walang katwiran. Normal na hindi mo ito nauunawaan, pero hindi mo dapat alisan ang mga karniboro ng kanilang karapatang mabuhay. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung gayon, dapat ba nating artipisyal na protektahan ang mga ito?” Sa hindi paggawa ng anuman para makialam o magdulot ng pinsala, natupad mo na ang responsabilidad ng isang tao. Hindi na kailangang artipisyal na protektahan ang mga ito, dahil ang mga hayop ay mga nilikha ring ginawa ng Diyos; at dahil nilikha ng Diyos ang mga ito, pinagkalooban na ng Diyos ang mga ito ng kakayahang mabuhay—hindi kailangan ng mga ito ang iyong pakikialam o tulong. Bukod pa rito, matutulungan mo ba ang mga ito? Kaya mo bang gayahin ang kabangisan ng mga ito sa paghuli ng mga biktima ng mga ito? Walang ganitong kakayahan ang mga tao. Sa pinakamainam, kaya lamang gumamit ang mga tao ng mga sandata para pumatay ng ilang biktima, na malayo sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga hayop. Bukod dito, hindi kinakain ng ilang hayop ang patay na biktima; kumakain lamang ang mga ito ng buhay at sariwang karne. Hindi mo dapat pakialaman o pinsalain ang mga karapatang mamuhay ng mga karniboro, at hindi mo rin dapat protektahan ang mga erbiboro mula sa kapahamakan; sapat nang hindi mo pinipinsala o hinuhuli ang mga ito. Ang pananatiling buhay ng lahat ng uri ng hayop ay may mga batas nito, at ang mga ito ay magpaparami at mamumuhay ayon sa mga alituntuning inorden ng Diyos at sa mga batas na itinatag ng Diyos. Mayroong sariling mga batas ng pamumuhay ang mga ito, at sariling mga kakayahang mabuhay, at sa maraming paraan, ang mga kakayahan ng mga ito na manatiling buhay ay mas nakahihigit pa kaysa sa kakayahan ng mga tao. Bagama’t hindi makagawa o makagamit ng mga sandata at kasangkapan ang mga ito, ang kakayahang mabuhay ng mga ito nang walang tulong ay nakahihigit pa rin kaysa sa kakayahan ng mga tao sa ilang aspekto. Kung ang mga tao ay mamumuhay sa ilang, magiging mahirap para sa kanila na manatiling buhay; ang ilan ay mamamatay pa nga sa uhaw, gutom, o lamig, o kakainin ng mababangis na hayop. Malinaw na ang kakayahan ng mga tao na mabuhay sa ilang nang sila lang ay mas mababa kaysa sa kakayahan ng mga hayop. At bakit ganito? Ito ay may kaugnayan din sa pag-orden ng Diyos.
Tungkol naman sa kung ano ang inorden ng Diyos, ang prinsipyong dapat sundin ng mga tao ay ang huwag artipisyal na pakialaman o pinsalain ito. Gamitin nating halimbawa ang pagtrato sa mga hayop: Hindi kailangang protektahan ng mga tao ang mga ito dahil sa kabaitan. Hangga’t hindi mo ginugulo ang mga ito, pinipinsala ang kapaligirang pinamumuhayan ng mga ito, o sinisira ang mga alituntunin at batas ng pamumuhay ng mga ito, natupad mo na ang responsabilidad ng isang tao. Kung ang isang hayop ay nasugatan o nakaranas ng kung anong paghihirap at humingi ng tulong sa mga tao, dapat bang tulungan ng mga tao ang mga ito? (Oo.) Ang tulong na ito ay hindi itinuturing na artipisyal na pakikialam, kundi isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao. Bakit ito isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao? Dahil ito ay isang bagay na kayang gawin ng mga tao. Sa sitwasyong ito, dapat magpakita ng pagmamahal ang mga tao at gawin ang lahat ng kanilang makakaya para tumulong, dahil parehong mga nilikha ang mga tao at hayop. Sadya lamang na sa mga mata ng Diyos, ang sangkatauhan ang pakay ng Kanyang pagliligtas, isang mas mataas na antas na nilikha, na naiiba sa iba. Dahil lahat ay sama-samang namumuhay sa materyal na mundong ito, sa espasyong ito, ang pagtulong sa isa’t isa sa mga oras ng pangangailangan ay hindi lumalabag sa anumang prinsipyo. Ito ay isang karakter na kahit papaano ay dapat taglayin ng mga tao, at ito ay isang bagay na dapat kaya nilang makamit. Kung mayroon talagang nasugatang hayop na lumapit sa iyo para humingi ng tulong, ginagawa lamang nito iyon dahil mataas ang pagtingin nito sa iyo at nagtitiwala ito sa iyo. Ang katunayan na kaya nitong humingi ng iyong tulong ay nagpapatunay na hindi ito hangal; may kakayahan itong mag-isip, at alam nito na bagama’t naiiba ang mga tao sa mga ito, may mga paraan ang mga tao para tulungan itong mabuhay. Dahil napakataas ng pagtingin ng ibang mga bagay na may buhay sa mga tao, hindi ba’t dapat gampanan nang maayos ng mga tao ang papel ng panginoon ng lahat ng bagay at tuparin ang mga obligasyong dapat nilang gawin? (Oo.) Ito ang prinsipyo ng pagsasagawa. Para magampanan nang maayos ang papel ng panginoon ng lahat ng bagay, hindi sapat na magkaroon lamang ng kahilingang ito—nangangailangan ito ng praktikal na pagkilos. Kapag nahaharap sa mga paghihirap o may mga pangangailangan ang ibang mga bagay na may buhay, dapat kang mag-abot ng tulong para tulungan ang mga ito. Kung nakatadhana silang mamatay o harapin ang kung anong malaking kalamidad, at hindi mo sila kayang tulungan, kung gayon ay walang magagawa, at dapat mo na lang hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito—kailangan mo lang gawin ang lahat ng iyong makakaya. Kung makita mo ang mga ito na makaranas ng mga paghihirap o panganib, iyon ang panahon na dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon. Kung hindi mo ito nakikita, hindi na kailangang magpakahirap na hanapin ito—hindi mo iyon responsabilidad. Mayroong sariling tadhana ang mga ito, at hindi mo kailangang kusang magsikap sa bagay na ito. Sa kabaligtaran, kung nahaharap sa paghihirap ang mga ito at humihingi ng iyong tulong, tungkulin mong tumulong; mas makabubuting huwag kang tumanggi. Halimbawa, kung makasalubong ka ng isang ligaw na gansa sa daan na humaharang sa iyong daraanan at sinusubukan kang pigilang umalis, kung may mapagmahal kang puso, dapat mong mapagtanto na ang gansa ay may problema at lumapit sa iyo para humingi ng tulong. Ano ang dapat mong gawin sa oras na ito? (Sundan ang gansa para makita kung ano ang problema, at tumulong kung kaya namin.) Tama iyan. Sundan ang gansa, tingnan kung saan ka nito dadalhin, at kung anong paghihirap o panganib ang naranasan nito na nangangailangan ng tulong ng tao. Dapat mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para tulungan ito—hindi mo ito maaaring basta na lang iwan sa alanganin. Ito ang pagkaramdam ng responsabilidad na dapat taglayin ng mga tao. Ang pahalagahan ang iba’t ibang bagay na may buhay na nilikha ng Diyos, ang pahalagahan ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—ito ang karakter ng pagmamahal sa mga positibong bagay na dapat taglayin ng mga tao. Nagtatanong ang ilang tao, “Ito ba ay pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti?” Hindi. Ang kasabihang “pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti” ay hindi balido. Hindi na kailangang magsalita ng gayong salita na matayog pakinggan. Sa prangkang pananalita, ang buong ideya ng pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti ay kalokohan! Ito ay pagtupad sa mga obligasyon ng isang tao; ito ang pinakapangunahing pagkaramdam ng responsabilidad na dapat taglayin ng mga tao. Sa sandaling natulungan mo na ang gansa, natupad na ang iyong responsabilidad. Hindi mo kailangan na pasalamatan ka nito, ni kailangan mong suklian nito ang iyong kabaitan—ang ginawa mo ay isang bagay na obligadong gawin ng mga tao. Ang tuparin ang obligasyong ito at magkaroon ng ganitong pagkaramdam ng responsabilidad ay ang sumunod sa mga salita ng Diyos—lahat ng bagay na nilikha at inorden ng Diyos ay mga positibong bagay, at dapat nating pahalagahan ang mga ito. Ang atas ng Diyos ay pahalagahan ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Ito ay bahagi ng sentido komun ng sangkatauhan na dapat taglayin ng mga tao, bilang mga panginoon ng lahat ng bagay, kahit papaano. Sa partikular, ito ang pagkaramdam ng responsabilidad na dapat nilang taglayin kahit papaano. Huwag kayong makialam sa ibang mga bagay na may buhay, huwag ninyong sirain ang mga alituntunin ng pamumuhay ng mga ito, at huwag ninyong alisan ang mga ito ng karapatang mabuhay; bukod pa rito, hindi na kailangang artipisyal na tulungan ang mga ito na mamuhay sa isang partikular na paraan o gabayan at ayusin ang mga ito para mamuhay sa isang partikular na paraan. Sa halip, igalang ninyo ang mga batas ng pamumuhay ng mga ito at ang mga alituntunin ng pamumuhay ng mga ito. Kapag kailangan ng tulong ng mga ito, kung nakita mo ito, hindi mo dapat iwasan ang mga ito o magbulag-bulagan, na nanonood lamang habang napipinsala at namamatay ang mga ito, kundi dapat kang tumulong para tuparin ang responsabilidad at obligasyong dapat tuparin ng mga tao. Sa pagtulong sa mga ito, inililigtas mo ang mga ito. Hindi ka mapapagod dahil dito, at hindi rin nito kakailanganin na magbayad ka ng malaking halaga o gumugol ng maraming lakas, lalo nang hindi na ibuwis mo ang iyong buhay para protektahan ang mga ito. Wala namang mawawala sa iyo rito; ito ay isang bagay na dapat mong gawin bilang isang tao. Kung hihilingin sa iyong protektahan ang mga ito nang buong lakas mo, hindi iyon madaling makakamit, pero dapat mong magawang hayaan ang mga bagay na mangyari ayon sa likas na takbo ng mga ito—hindi nakikialam sa mga ito, hindi pinipinsala ang kapaligirang pinamumuhayan ng mga ito o sinisira ang mga alituntunin ng pamumuhay ng mga ito, at hindi inaalisan ang mga ito ng karapatang mabuhay. Kung hindi mo man lang ito magawa, ikaw ay hindi tao, hindi ka reinkarnasyon ng isang tao, at wala kang pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng pagkatao? Ibig sabihin nito ay wala ka man lang konsensiya at katwiran para protektahan ang mga hayop, alagaan ang mga ito, at igalang ang mga bagay na may buhay na ginawa ng Diyos. Kung palagi mong iniisip na pinsalain ang mga ito, kainin ang mga ito, at alisan ang mga ito ng karapatang mabuhay, kung gayon, hindi ka isang tao kundi isang mabangis na hayop. Malinaw na ba ito ngayon? (Oo.)
Patungkol sa kung ano ang inoorden ng Diyos, may iba pang mga sitwasyon. Halimbawa, ang mga panuntunan para manatiling buhay ang ilang hayop ay medyo naiiba o kabaligtaran pa nga sa mga panuntunan ng ibang mga bagay na may buhay, tulad ng mga kuwago, paniki, at iba pang hayop na ang panuntunan para manatiling buhay ay ang matulog sa araw at maging aktibo sa gabi. Inorden ito ng Diyos, at kahit pa may mga espesyal na pagkakataon na paminsan-minsan ay nagiging dahilan para pansamantalang baguhin ng mga hayop na ito ang nakagawiang ito, sa ilalim ng mga normal na kondisyon, ang mga batas at panuntunan ng mga ito para mabuhay ay hindi naman nagbabago. Palaging iniisip ng mga tao na baguhin ang mga panuntunan ng mga hayop na ito, na gawin ang mga ito na aktibo sa araw tulad ng mga tao. Nagsasagawa sila ng pananaliksik sa mga gene at blood serum ng mga hayop na ito, sa mga pattern ng pagkilos ng mga ito, at iba pa, nag-iisip ng lahat ng posibleng paraan para baguhin at sirain ang mga panuntunan para mabuhay at mga pattern ng aktibidad ng mga ito. Mabuti ba ito? (Hindi.) Ang ganitong uri ba ng pag-uugali, ang ganitong uri ba ng pag-iisip, ay isang positibong bagay? (Hindi.) Isa itong negatibong bagay, at isang bagay na ginagawa ng mga di-tao. Sa pamamagitan ng siyentipikong pananaliksik, medyo nababago nga ang mga bagay na may buhay na ito, ngunit nauuwi sila sa pamumuhay nang lubhang napakasakit at abnormal. Hindi ito matiis na makita ng mga normal na tao. Mayroon ding ilang tao na nagsasabing, “Napakarami nang daga ngayon; napakainam sana kung makakahuli ng daga ang mga aso. Mababantayan ng mga aso ang bahay, at makakatipid tayo sa pagkain ng aso dahil kakainin nila ang mga daga, at hindi na natin kakailanganing mag-alaga ng mga pusa. Makakapukol tayo ng tatlong ibon gamit lang ang isang bato. Hindi ba’t magiging napakainam niyon?” Pagkatapos ay nagsasaliksik sila kung paano pagsasamahin ang mga gene ng mga pusa at aso, para magkaroon ang mga aso ng parehong gene ng aso at pusa at maging isang pinaghalong aso-pusa na parehong kayang magbantay ng bahay at manghuli ng mga daga. Maganda ba ang ideyang ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil palagi nilang gustong sirain ang inorden ng Diyos at labagin ang mga batas na inorden ng Diyos. Ito mismo ang ginagawa ni Satanas at ng tiwaling sangkatauhan.) Ang gayong mga ideya ay buktot. Saan nagmumula ang buktot na mga ideya? Ganap na nagmumula ang mga ito kay Satanas at sa masasamang espiritu. Kaya, ang gayong mga tiwaling tao ay mga di-tao. Palagi nilang gustong baguhin ang mga positibong bagay na inorden ng Diyos, at baguhin ang mga orihinal na papel, mga pattern ng aktibidad, at mga batas para mabuhay ng iba’t ibang bagay na may buhay na inorden ng Diyos. Palagi nilang gustong sirain ang mga anyo ng pamumuhay ng mga bagay na may buhay na inorden ng Diyos, palagi silang nagkakaroon ng ilang buktot at sukdulang mapaghimagsik na mga ideya, kaisipan, at pananaw, at palagi nilang gustong sirain ang iba’t ibang bagay na inorden ng Diyos. Ang gayong mga tao ay mga di-tao; wala silang pagkatao. Ang kanilang pag-iisip o mga kilos ay hindi kailanman nasa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran, bagkus, palagi nilang gustong lumampas sa saklaw ng normal na pagkatao—ito ay isang pagpapamalas ng pagiging di-tao. Hindi nila, sa loob ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, iginagalang o itinataguyod ang mga panuntunan para mabuhay at ang mga anyo ng pag-iral ng lahat ng bagay na inorden ng Diyos. Sa halip, palagi nilang gustong sirain, guluhin, at baguhin ang mga panuntunan para mabuhay na inorden ng Diyos, na baguhin ang mga paraan ng pamumuhay ng ibang mga bagay na may buhay. Gusto nilang gawin na ang mga pusa ay hindi na mga pusa at ang mga aso ay hindi na mga aso, na gawing mga abnormal na nilalang at mga buktot na bagay ang lahat ng ito, na gawin ang mga ito na lumaki sa isang buktot na direksyon. Palagi nilang gustong sirain ang pag-iral ng mga positibong bagay, at palagi nilang gustong sirain ang mga anyo ng pamumuhay ng mga positibong bagay. Hindi ba’t sila ay mga di-tao? (Oo.) Ang mga kaisipan at pananaw na nililikha at tinataglay ng mga di-tao ay mga negatibong bagay, at salungat ang mga ito sa mga positibong bagay. Dahil ang kanilang mga pananaw ay mga negatibong bagay at salungat sa mga positibong bagay, hindi ba’t mga negatibong bagay ang mga produktong ginagawa nila at ang mga resultang naidudulot nila sa kanilang mga propesyon? (Oo.) Ang mga bagay na ito ay mga negatibong bagay. Bagama’t ang ilang bagay ay hindi direktang nagdudulot ng anumang masamang epekto o pinsala sa sangkatauhan, hangga’t salungat ang mga ito sa inorden ng Diyos, hangga’t nilalabag ng mga ito ang mga batas at panuntunang inorden ng Diyos, at hangga’t mayroon ang mga ito ng ibang paraan para mabuhay o ibang batas at panuntunan na lumitaw bilang resulta ng artipisyal na panghihimasok, pagpoproseso, at pagsira ng tao batay sa mga batas at panuntunang inorden ng Diyos, kung gayon, ang mga bagay na ito ay mga negatibong bagay. Gaano man karaming tao ang tumatanggap at kumikilala sa pag-iral ng gayong bagay, o gaano man karaming buhay o pananatiling buhay ng tao ang binibigyan nito ng pisikal na kaluguran, kung hindi ito nasa orihinal na anyo na inorden ng Diyos, at kung hindi ito nasa orihinal na kalagayan na inorden ng Diyos, bagkus ang inorden na istruktura, anyo, o ang mga batas at panuntunan nito para mabuhay ito ay nabago at nasira, kung gayon, isa itong negatibong bagay. Ito ay dahil pinroseso, pininsala, at binago ito ni Satanas, at hinaluan ito ng mga konsepto, kaisipan, at pananaw mula kay Satanas, at maging ng ilan sa mga lason ni Satanas o mga pakana ni Satanas. Kahit pa hindi ito makilatis ng mga tao, isa pa rin itong negatibong bagay. Sa madaling salita, hangga’t ito ay isang bagay na labag sa orihinal na bagay na inorden ng Diyos, isang bagay na ang orihinal na anyo, istruktura, o ang mga batas at panuntunan para mabuhay na inorden ng Diyos—buhay man o di-buhay na bagay—ay nasira at nabago, at kasabay nito ay may iba’t ibang karagdagang bagay mula kay Satanas na naihalo o naidagdag dito, kung gayon, isa itong negatibong bagay, at nagbago na ang kalikasan nito. Anuman ang uri ng kantidad na epekto nito sa pisikal na buhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan, hangga’t sumailalim ito sa isang pagbabago sa kalidad, at nabago ang kalidad nito, kung gayon, isa itong negatibong bagay. Ito ay absoluto, at hindi talaga huwad. Hangga’t ang isang bagay ay isang negatibong bagay, gaano man ito katagal nang umiiral sa mundong ito o gaano man ito katagal nang tinatanggap ng sangkatauhan at lipunan, kung hindi ito ang orihinal na bagay na inorden ng Diyos, hindi Niya ito kinikilala, at kung hindi ito kinikilala ng Diyos, isa itong negatibong bagay.
May ilang taong nagtatanong, “Ang mga mansanas at peras ay parehong mga orihinal na prutas na inorden ng Diyos. Kung iga-graft ang mga sanga ng mga ito para makagawa ng apple-pear, isa ba iyong negatibong bagay? Dapat ba natin itong kainin o hindi?” Ito ay isang bagay na maaaring makaharap sa pang-araw-araw na buhay, hindi ba? Sabihin mo sa Akin, dapat mo ba itong kainin o hindi? Kung kakainin mo ito, malalason ka ba? Magdudulot ba ito sa iyo ng pisikal na pinsala? Makakaapekto ba ito sa haba ng buhay mo? Makakaapekto ba ito sa kung ano ang tingin sa iyo ng Diyos? Makakaapekto ba ito sa iyong kalalabasan? Paano dapat tingnan ang usaping ito? Sinusubok nito kung nauunawaan mo ba ang mga katotohanang prinsipyo, at kung nauunawaan mo ba ang pinagbahaginan natin kanina. Kung nauunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan, at naarok mo na ang mga katotohanang prinsipyo sa usaping ito, kapag nakaharap ka ng mga bagay sa totoong buhay, malalaman mo kung paano magsagawa, malalaman mo kung anong mga kilos ang lumalabag sa katotohanan at kung anong mga kilos ang nagtataguyod sa katotohanan at nasa loob ng saklaw ng mga katotohanang prinsipyo. Dapat mo bang kainin ang mga apple-pear? (Hindi.) Dahil ba hindi kayo mangangahas na kainin ang mga ito, o dahil hindi dapat kainin ang mga ito? (Hindi kami mangangahas na kainin ang mga ito.) Sinasabi ninyong hindi kayo mangangahas na kainin ang mga ito, pero hindi ba’t nakakain na kayo ng marami nito sa inyong pang-araw-araw na buhay? At ano ang nangyari pagkatapos ninyong kainin ang mga ito? Napinsala ba ang katawan ninyo? Una, tukuyin natin kung ang isang apple-pear ay isang positibo o negatibong bagay. Sinabi ninyo na hindi ito dapat kainin. Ang nakatagong kahulugan sa pahayag na ito ay na ang apple-pear ay isang negatibong bagay, at kaya hindi ito dapat kainin. Iyon ba ang ibig ninyong sabihin? (Oo.) Kung gayon, tama ba ang pagkaunawang ito? Dapat bang tingnan sa ganitong paraan ang usapin ng mga apple-pear? Kung hindi Ko ibinigay sa inyo ang halimbawa para pagbahaginan, iisipin ninyo na hindi dapat kainin ang mga apple-pear, na ang pagkain sa mga ito ay makakalason sa inyo—tulad lamang na noong nilabag ni Eba ang utos ng Diyos at kinain niya ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama, ay natukso siya ni Satanas na gumawa ng kasalanan at nahulog siya sa mga kamay ni Satanas nang walang kawala. Iisipin ninyo na, lalo na ngayong ito ang kritikal na sandali ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at nauubos na ang oras, dapat kayong mag-ingat at huwag kumain ng mga bagay-bagay nang walang pagtatangi, na kung gagawin ninyo ito, baka malabag ninyo ang mga prinsipyo at sumalangsang kayo sa mga atas administratibo, na mag-iiwan sa inyo na wala nang pagkakataong maligtas, at sa panahong iyon ay wala nang silbi ang pagsisisi. Hindi ninyo makilatis ang usaping ito; natigilan kayo sa isang napakaliit na bagay. Iniisip ninyo na hindi dapat kainin ang mga apple-pear at hindi kayo mangangahas na kainin ang mga ito, na ang paggawa nito ay paglabag sa mga prinsipyo at pagsalangsang sa mga atas administratibo, na magiging kahila-hilakbot! Hindi ba’t ito ang iniisip ninyong lahat? Kaya, dapat ba kayong kumain ng mga apple-pear o hindi? (O Diyos, katatalakay lang namin nito at sa tingin namin ay maaari naming kainin ang mga apple-pear, dahil pinapainam lang ng tao ang mga mansanas at peras at hindi binago ang mga batas na inorden ng Diyos para sa mga ito. Kaya ang pagkain ng mga apple-pear ay hindi kinabibilangan ng pagsalangsang sa mga atas administratibo.) Pagkatapos ng inyong pagbabahaginan, nagkamit kayo ng kaunting kalinawan, at nauunawaan na ninyo ngayon na ang mga batas na inorden ng Diyos ay nananatili namang hindi nagbabago kaugnay sa apple-pear, kaya maaari ninyo itong kainin. Tumpak ang kasasabi lang ninyo; kaya lang ay hindi ninyo ito naipaliwanag nang malinaw. Huwag muna nating talakayin sa ngayon ang tanong kung maaari bang kainin ang mga apple-pear o hindi; pag-usapan muna natin kung bakit hindi nilalabag ng mga ito ang mga batas na inorden ng Diyos. Ang mga puno ng mansanas at puno ng peras ay parehong mga halamang nilikha ng Diyos, at maaaring kainin ng mga tao ang bungang ibinibigay ng mga ito. Kapag ang dalawang halamang ito ay na-graft ang mga sanga o nag-cross-pollinate, isa pang uri ng prutas ang nalilikha. Artipisyal man itong ginawa o natural, sa pangunahin, ang pinagmulan ng prutas na ito, ang anyo ng pagpapatuloy ng buhay nito, at ang mga batas at panuntunan ng pagpapatuloy ng buhay nito ay nananatiling hindi nagbabago mula sa kung ano ang orihinal na inorden ng Diyos. Kahit pa artipisyal na na-graft ng tao ang mga sanga ng isang puno ng mansanas at isang puno ng peras, ito ay batay sa mga orihinal na batas at panuntunan ng mga ito para mabuhay, batay sa mga orihinal na anyo ng buhay ng mga ito, kaya ang isang prutas na may pinagsamang mga katangian ng buhay ng dalawang ito ang nalilikha. Ang prutas na ito ay tinatawag na apple-pear. Ginagamit lang ng tao ang kanyang abilidad na mabuhay at ang kanyang paraan ng pag-iisip, ang kanyang talino at pagkamautak, para i-graft ang dalawang halaman upang makalikha ng isa pang uri ng prutas, ngunit ang prutas na ito, ang apple-pear, ay hindi lumalampas sa saklaw ng kung ano ang inorden ng Diyos. Isa itong aspekto. Sa kabilang banda, kahit walang pakikialam ng tao, kung ang mga puno ng mansanas at peras ay magkasamang tumubo sa iisang kagubatan, maiiwasan ba ng mga ito ang cross-pollination? Sa mga napakanatural na sitwasyon, pagdating ng panahon ng pamumulaklak, magkakaroon ng cross-pollination ang mga ito, at magkakabuhol-buhol din ang mga sistema ng ugat ng mga ito sa ilalim ng lupa. Ikinakalat man ng mga bubuyog ang pollen o kumakalat ito sa pamamagitan ng hangin at sirkulasyon ng hangin, tatanggapin ng mga mansanas at peras ang sustansya ng isa’t isa, at ang prutas na apple-pear ay malilikha nang napakanatural. Kung gayon, masasabi mo pa rin ba na gawa ng tao ang apple-pear na ito? (Hindi.) Isa itong bagay na may buhay na natural na tumutubo sa natural na kapaligirang inorden ng Diyos; ito ay isang bagay na nasa loob ng saklaw na pinahihintulutan ng Diyos, kaya ang apple-pear na ito ay hindi lumalabag sa anumang batas. Mayroon man itong mga katangian ng isang mansanas o isang peras, sa madaling salita, hindi ito isang negatibong bagay; isa pa rin itong uri ng prutas na inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Maaari mo nang isantabi ang iyong mga alalahanin at kumain—tiyak na hindi ito magdudulot sa iyo ng anumang pisikal na pinsala. Gayumpaman, nang banggitin Ko lang na artipisyal na na-graft ng tao ang mga sanga ng mansanas at peras, hindi ninyo matukoy kung ang isang apple-pear ay isa bang positibo o negatibong bagay, at hindi kayo mangangahas na kainin ito, iniisip na, “Ang mansanas ay mansanas, na walang mga gene ng peras, at ang peras ay peras, na walang mga sangkap ng mansanas; tanging ang mga ito ang tiyak na maaaring kainin!” Hindi ba’t baluktot ang ganitong paraan ng pag-arok sa mga bagay-bagay? (Oo.) Ito ay baluktot. Ang iba’t ibang bagay na may buhay ay magkakasamang umiiral sa isang pinagsasaluhang espasyo; hindi maiiwasan na maimpluwensiyahan at tustusan ng mga ito ang isa’t isa, kumukuha mula sa mga kalakasan ng isa’t isa para punan ang sariling mga kahinaan ng mga ito. Sa loob nito, maraming detalye, at may mga misteryo. Sa madaling salita, ang paglitaw, pag-iral, at epekto ng lahat ng ito ay para sa pagpapatuloy ng buhay ng lahi ng taong nilikha ng Diyos. Ito ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng mga positibong bagay; sa huli, ito ay para mapanatili ang normal na pagpapatuloy ng buhay ng sangkatauhan at ang pagpaparami at pagpapatuloy ng sangkatauhan. Malinaw na ba ang usaping ito ngayon? (Oo.)
Susunod, talakayin natin ang isa pang usapin, isang bagay na madalas makaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Tingnan ninyo at pag-isipan kung paano ito dapat kilatisin at harapin. Para matugunan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, inimbento ng mga tao ang mga di-organikong butil, na nagpapataas ng ani sa pamamagitan ng pagbabago sa mga gene ng iba’t ibang binhi at prutas. Sa simula, ang layon talaga ay bawasan ang mga peste at sakit, iwasan ang paggamit ng mas maraming pestisidyo, at sa gayon ay magpatubo ng iba’t ibang halamang kailangan ng sangkatauhan habang binabawasan ang trabaho at iniiwasan ang panghihimasok mula sa mga peste at sakit, at kasabay nito ay pataasin ang ani para matustusan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, na nagresulta sa pagkakagawa ng gayong produkto. Ano ang tawag sa produktong ito? Di-organikong pagkain. Ang paglitaw ng di-organikong pagkain ay labis na nakatugon sa pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain. Naniniwala ang mga tao na ang ani ng organikong pagkain ay medyo mababa at hindi kayang tugunan ang mga pangangailangan ng sangkatauhan. Mula nang lumitaw ang mga di-organikong butil, lubhang tumaas ang ani ng mga butil, tumaas din ang kita ng mga tao, at nalutas ang problema ng gutom para sa maraming tao. Kaya, “mapalad” na nakakain ng sangkatauhan ang di-organikong pagkain. Kung gayon, ang di-organikong pagkain ba ay isang positibong bagay o isang negatibong bagay? Nilalabag ba nito ang prinsipyo ng “kung ano ang inorden ng Diyos” o hindi? Dapat bang kainin ang di-organikong pagkain? Ano ang inyong mga pananaw at opinyon tungkol sa di-organikong pagkain? Paano ninyo binibigyang-kahulugan ang pagiging positibo at negatibo ng organiko at di-organikong pagkain? (Ang organikong pagkain ay natural, at inorden ng Diyos. Isa itong positibong bagay. Ang di-organikong pagkain ay ginagawa sa pamamagitan ng siyentipikong pagpoproseso at genetic modification. Labag ito sa mga orihinal na batas na nilikha ng Diyos. Kaya ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay.) (Ang mga orihinal na gene sa di-organikong pagkain ay nasira, at labag ito sa mga batas na nilikha ng Diyos. Bukod dito, ang orihinal na halagang pangnutrisyon ng pagkain ay nasira sa di-organikong pagkain; ang pagkain nito ay hindi nagbibigay ng benepisyo sa kalusugan ng mga tao. Sa panahon ngayon, laganap ang paglitaw ng mga problema sa kalusugan ng maraming taong maraming taon nang kumakain ng di-organikong pagkain, kaya sa tingin ko, kung pinahihintulutan ng mga kondisyon, dapat nating subukan ang lahat ng ating makakaya na huwag itong kainin. Ngunit sa lipunan ngayon, karamihan sa pagkain ay di-organiko, kaya para sa pagpapatuloy ng buhay, tiyak na kailangan nating kumain ng di-organikong pagkain.) Ang lahat ng sinabi ninyo ay naaayon sa mga prinsipyo, at tama ang mahahalagang punto, ngunit masyado nitong pinagmumukhang simple ang isyu, at may ilang detalyeng hindi naipaliwanag nang malinaw. Sinasabi ng ilang tao, “Ang di-organikong pagkain at organikong pagkain ay pareho ang hitsura, at halos pareho ang lasa. Ang di-organikong pagkain, sa pangunahin, ay hindi naiiba sa mga orihinal na anyo ng pagkaing inorden ng Diyos. Ang ilang di-organikong pagkain ay mas maganda pa nga ang hitsura at may mas mataas na ani kaysa sa organikong pagkain, at ang lasa ay hindi naman talaga mas masama kaysa sa organikong pagkain. Kaya bakit ang organikong pagkain ay isang positibong bagay at ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay?” Bagama’t kasasabi lang ninyo na tiyak kayo na ang organikong pagkain ay isang positibong bagay at ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay, hindi ninyo nauunawaan kung bakit pinag-iiba ang mga ito sa ganitong paraan; hindi pa rin ninyo nauunawaan ang mga detalye rito. May isang mahalagang punto na dapat mong malaman: Bakit sa dalawang bagay na magkapareho ang hitsura, ang isa ay isang positibong bagay at ang isa naman ay isang negatibong bagay? Sinasabi ng ilang tao, “Iyon ay dahil ang di-organikong pagkain ay siyentipikong pinoproseso at nasira na ng siyensya.” Tama ba ang pahayag na ito? Sa usapin ng doktrina, tama ito. Mukhang ganito nga ang kaso. Ngunit hindi pa rin nauunawaan ng mga tao pagkatapos itong marinig. Kaya, sa usapin ng diwa ng mga ito, ano ba talaga ang pagkakaiba sa pagitan ng organiko at di-organikong pagkain na nagpapahintulot na mabigyan ang mga ito ng kahulugan bilang mga positibo at negatibong bagay, ayon sa pagkakabanggit? Saan nakabatay ang depinisyong ito? Ano ang tingin dito ng Diyos? Ano ang katotohanan dito? Ito ang pinakadiwa ng isyu.
Ang mga organikong bagay ay nagmumula sa Diyos. Ang mga ito ang nilikha ng Diyos, at pinangalanan ang mga ito ng tao na “organiko.” Huwag muna nating alalahanin sa ngayon ang pinagmulan o pinanggalingan ng salitang “organiko” o kung bakit ganito ito pinangalanan ng mga tao. Kailangan pa rin nating tingnan ito mula sa perspektiba ng paglikha at pag-orden ng Diyos. Sa loob ng paglikha at pag-orden ng Diyos, mayroong isang di-halata ngunit napakahalagang punto, na noong lumikha ang Diyos ng isang binhi, inilagay Niya rito ang lahat ng sustansya at sangkap na dapat nitong taglayin, pati na rin ang mga papel nito. Ano ang batayan para sa mga prinsipyo ng pagtukoy kung anong mga bagay ang inilalagay sa binhi? Nakabatay ang mga ito sa mga pangangailangan ng katawan ng tao, sa husay ng paggana ng mga laman-loob ng katawan ng tao at sa mga sangkap na pampalusog na kinakailangan ng mga organong ito. Dahil ang pagkaing tumubo mula sa gayong binhi ay para sa pagkonsumo ng tao, ang mga magiging epekto ng pagkaing ito sa katawan ng tao pagkatapos itong kainin, at ang mga sustansyang maaaring makuha ng mga tao mula rito para mapanatili ang kanilang normal na pisikal na paglaki at pananatiling buhay, at para pahabain ang buhay ng kanilang katawan, ay pawang mga bagay na dapat isaalang-alang ng Diyos kapag lumilikha ng isang binhi o ng isang uri ng pagkain. Hindi ito basta-bastang paglikha ng isang binhi na maaaring tumubo sa lupa at iyon na iyon, hindi ganoon, pinag-isipan ito ng Diyos. Tungkol naman sa kung anong mga epekto ang idudulot ng balat, laman, at punla ng ganitong uri ng binhi sa katawan ng tao, kung anong mga resulta ang maaaring makamit ng mga bagay na ito, kung ano ang kailangan ng katawan ng tao, at kung anong mga sustansya ang dapat makuha ng mga tao mula sa ganitong uri ng pagkain pagkatapos itong kainin, lahat ng ito ay mga bagay na dapat isaalang-alang ng Diyos. Dahil may gayong mga pagsasaalang-alang ang Diyos, kapag lumilikha Siya ng ganitong uri ng binhi, dapat Niya itong likhain ayon sa mga proporsyong pangnutrisyon na kailangan ng mga tao, at sa gayon, ang binhi na ito ay nabubuo sa mga kaisipan ng Diyos. Ito ay pagtingin sa epekto ng isang binhi sa mga tao mula sa perspektiba ng mga nutrisyonal na sangkap at istraktura nito; isa itong aspektong isinasaalang-alang ng Diyos kapag lumilikha ng binhing ito. Bukod pa rito, isinasaalang-alang ng Diyos ang laki at hugis ng ganitong uri ng binhi o prutas, ang haba ng panahon ng pag-usbong nito, ang anyo ng pananatiling buhay nito, ang uri ng lupa na angkop para sa pagtubo nito, kung gaano karaming sustansya ang nakukuha nito sa aling uri ng lupa, kung gaano karaming sustansya ang maaaring makuha ng mga tao mula rito kapag kinakain nila ito, at iba pa. Lahat ng detalyeng ito ay mga bagay na kailangang isaalang-alang ng Diyos. Ang iba’t ibang bagay na isinasaalang-alang ng Diyos kapag lumilikha ng isang binhi ay nauuwi sa huli sa isang punto, na para tustusan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, para makamit ang normal na pisikal na paglaki at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ito ang pinakamahalagang punto. May isa pang punto na napakahalaga rin. Kung ang isang binhi ay walang puwersa ng buhay, at ito ay isang patay na bagay, tulad ng isang butil ng buhangin o isang bato, na hindi kayang umusbong kapag itinanim sa lupa, kung gayon nangangahulugan ito na pagkatapos kainin ng mga tao ang pagkaing ito sa isang pagkakataon, hindi na ito makukuhang muli. Ang gayong binhi ay malayong makatugon sa pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain. Samakatwid, bukod sa mga sangkap na dapat nitong taglayin, tulad ng balat at laman nito, dapat magkaroon ng punla ang binhing ito. Siyempre, ang punlang ito ay maaaring hindi isang katangian ng buhay na taglay ng lahat ng binhi. Sa madaling salita, bukod sa balat at laman nito, dapat mayroong puwersa ng buhay ang binhing ito. Sa wika ng tao, tinatawag itong puwersa ng buhay, ngunit sa mga termino ng Diyos, nangangahulugan ito na dapat mayroong buhay ang binhing ito. Ano ang ibig sabihin ng “mayroong buhay”? Ibig sabihin nito ay maaari itong patuloy na magparami; sa pamamagitan ng pag-usbong at paglaki, dapat itong makapamunga. Ang isang binhi, sa pamamagitan ng pag-usbong, paglaki, at pamumulaklak, ay dapat makalikha ng marami pang bunga, at tulad ng mismong binhi, ang mga bunga nito ay dapat mayroon ding puwersa ng buhay, at makapagparami at makapamunga ng mas marami pa, dahil sa ganitong paraan lamang nito matutustusan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain nang walang katapusan. Ang mga ito ang dalawang pinakapangunahin at pinakamahalagang bagay sa paglikha at pag-orden ng Diyos sa isang binhi: Ang isa ay ang iba’t ibang sustansyang taglay nito at ang mga papel nito, at ang isa pa ay dapat mayroong puwersa ng buhay ang binhing ito, ibig sabihin, dapat buhay ang binhing ito. Sa mga termino ng tao, kung ang isang bagay ay “buhay,” tinatawag itong “organiko.” Ang organikong pagkaing ito, mula sa panahong nilikha ito ng Diyos, ay talagang may buhay. Kung ibabaon mo ito sa lupa, at didiligan at lalagyan ng pataba, ito ay uusbong, lalaki, mamumulaklak, at pagkatapos ay mamumunga, at bawat bunga nito ay may taglay na papel na pareho rito. Ang parehong papel na ito ay walang-tigil na nagtutustos sa pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, para sa pisikal na pananatiling buhay ng sangkatauhan, at para sa pagpaparami at pagpapatuloy ng sangkatauhan. Bukod pa rito, ang binhing ito ay nakikipag-isa sa lupa at namumunga, at ang mga bungang ito—tulad ng mismong binhi—ay namumunga ng mas marami pa para tustusan ang sangkatauhan, at dumaraan sa parehong proseso ng pagpaparami at pagyabong, sa sunod-sunod na mga henerasyon. Sa ganitong paraan, ang sangkatauhan ay may walang-katapusang panustos na pagkain. Sa pagkakaroon ng panustos na pagkain, sa pagkakaroon ng pinagkukunan ng pagkain, ang pisikal na buhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan ay nagpapatuloy nang walang katapusan, at hindi sila kailanman mawawalan ng pagkain. Mula sa katunayang ito, makikita na para mabuhay ang sangkatauhan hanggang sa araw na ito, hindi maaaring kaligtaan ang ambag ng iba’t ibang binhi na nilikha ng Diyos. Ang ugat ng kakayahan ng mga ito na makagawa ng gayong ambag sa sangkatauhan ay ang paglikha at pag-orden ng Diyos. Ngunit kung ang dalawang pinakamahalagang bagay na inorden ng Diyos para sa isang binhi ay masisira—ang isa ay ang mga sustansya at papel ng binhi, at ang isa pa ay ang orihinal na puwersa ng buhay nito—kung mawawala ang dalawang bagay na ito, kapag nahulog ang binhi sa lupa, hindi na ito uusbong, hindi na lalaki, hindi na mamumulaklak o mamumunga. Maaari lamang itong maglaho sa lupa, at ang pinagkukunan ng pagkain ng sangkatauhan ay mawawala na mula noon. Ano ang haharapin ng sangkatauhan kung magkagayon? (Kamatayan.) Haharapin nila ang gutom, taggutom, at pagkatapos ay kamatayan, at hindi sila makakapagparami at makakapagpatuloy. Isa itong aspekto, at napakaseryoso nito. Ang isa pang aspekto ay na, kapag ang isang binhi ay artipisyal na pinoproseso, ang mga sustansya nito ay lubhang nababawasan, mula sa orihinal na naglalaman ng maraming uri ng sustansya hanggang sa kakaunting sustansya na lamang. Bukod pa rito, nagbabago rin ang mga papel nito. Halimbawa, ang isang partikular na uri ng pagkain ay dating nakakapagbigay-sustansya sa utak, nakakapagpanumbalik ng pisikal na lakas, at nakapagbibigay ng sigla sa mga tao, ngunit ngayon, pagkatapos sumailalim sa artipisyal na pagpoproseso, ang mga papel na ito ay lubhang nababawasan, o nawawala pa nga. Kahit pa kumain ang isang tao ng maraming ganitong uri ng pagkain, nakakaramdam siya ng pagkahapo ng katawan, bumabagal ang kanyang pag-iisip, at humihina ang kanyang memorya. Bagama’t hindi pa siya matanda, nagiging tulad siya ng isang matandang tao. Mabigat ang pakiramdam ng kanyang mga binti, naninigas ang kanyang katawan, at tumatanda ang kanyang balat. Mukhang lumaki ang kanyang katawan, ngunit sa loob, iba ang pakiramdam niya kaysa sa mga kumakain ng organikong pagkain. Kung ang mga orihinal na papel ng isang pagkain ay humina o nawala pa nga, hindi lang ito walang naidudulot na tulong o benepisyo sa katawan ng mga tao pagkatapos nilang kainin ito, kundi nagdudulot pa ito ng maraming negatibong epekto sa kanila. Ang iba’t ibang sustansyang kailangan ng katawan ay hindi napapalitan sa tamang oras, at kasabay nito, maraming paggana ng katawan ang unti-unting humihina at nawawala. Bilang natural na resulta, batay sa malupit na siklong ito, bumabagal ang pag-iisip ng mga tao, at maaari pa nga silang magkaroon ng ilang sukdulang pag-uugali o ideya. Ang gayong mga pagpapamalas ay ilan sa mga negatibong epekto at kahihinatnan na idinudulot sa mga tao ng mga di-organikong pagkain. Nawala sa mga di-organikong pagkain ang mga sangkap na dapat taglayin ng mga ito bilang nilikha ng Diyos, at nawala na rin sa mga ito ang mga orihinal na papel ng mga ito. Naiiba ang mga ito sa mga orihinal na bagay na nilikha at inorden ng Diyos. Lahat ng ito ay artipisyal na naproseso at nabago.
Bagama’t lumilikha ang mga tao ng di-organikong pagkain para matugunan ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, ang gayong pagkain ay nagdudulot ng lahat ng uri ng masasamang epekto sa kalusugan at pagpaparami ng tao, na nakaaapekto sa pag-aanak at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Samakatwid, dapat kang magkaroon ng pagkilatis patungkol sa di-organikong pagkain. Sa loob ng libo-libong taon, tinatamasa na ng sangkatauhan ang organikong pagkain. Bakit natin sinasabi na ang organikong pagkain ay isang positibong bagay, habang ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay? Ano ang pinakamalaking punto ng pagkakaiba? Ano ang pinakabuod ng usapin? Ang pinakabuod ay na ang organikong pagkain ay inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan; ito ay inorden ng Diyos. Nagtataglay ito ng mga orihinal na sangkap at papel na nilikha ng Diyos, at ang pinakamahalaga, taglay nito ang puwersa ng buhay na ipinagkaloob dito ng Diyos, samantalang nawala na sa di-organikong pagkain ang mga orihinal na sangkap at papel na iyon, at wala rin itong buhay na kaloob ng Diyos. Dahil wala ito ng dalawang pinakamahalagang bagay na ito na inorden ng Diyos, lumalabag ito sa mga prinsipyo ng mga positibong bagay na nilikha at inorden ng Diyos. Ang di-organikong pagkain ay isang uri ng bagay na naproseso, napinsala, at nabago ng siyensya ng tao, at hindi na nagtataglay ng mga katangian ng isang positibong bagay. Ito ay dahil wala itong mga sangkap at diwa ng mga positibong bagay na nilikha at inorden ng Diyos, at sa halip ay sumasalungat ito sa mga papel at diwa ng mga positibong bagay na nilikha at inorden ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng sumalungat sa mga papel at diwa ng mga positibong bagay? Ibig sabihin nito, nang likhain ng Diyos ang isang partikular na binhi, ang papel nito ay para sa sangkatauhan, ito ay para maglingkod at maging pakinabang sa sangkatauhan, at para tustusan ang mga normal na pisikal na pangangailangan at pananatiling buhay ng sangkatauhan, samantalang pinipinsala at ginugulo ng di-organikong pagkain ang normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan, at kasabay nito ay nagdudulot ito ng isang serye ng di-mababagong negatibong mga epekto at kahihinatnan sa normal na buhay at pananatiling buhay ng mga tao. Kaya, hindi talaga kawalan ng katarungan na tawaging isang negatibong bagay ang di-organikong pagkain. Hindi ba’t ganoon? (Oo.) Malinaw na ba ang isyung ito ngayon? (Oo.) Bakit isang positibong bagay ang organikong pagkain, habang isang negatibong bagay naman ang di-organikong pagkain? Sa malawak na pananalita, ang organikong pagkain ay nagmumula sa Diyos, nagbibigay-pakinabang at naglilingkod sa sangkatauhan, at nag-aambag sa buhay at pananatiling buhay ng tao; mayroon itong isang di-mapapalitang papel sa buhay at pananatiling buhay ng tao—walang makakapapalit sa papel na ginagampanan nito. Pero nakakabuti ba sa kalusugan ng tao ang di-organikong pagkain? (Hindi.) Labis na kabaligtaran ito: Hindi ito nakakabuti sa kalusugan ng tao; sa halip, pinipinsala nito ang kalusugan ng tao, at nagdudulot ito ng maraming pasakit at problema sa pisikal na buhay at pananatiling buhay ng mga tao. Halimbawa, nagdudulot ito ng iba’t ibang masamang pakiramdam sa katawan, tulad ng pagbagal ng sirkulasyon ng dugo, paninigas ng mga braso at binti, pagbigat ng mga binti, at pagkahilo, at humahantong sa maagang pagsisimula at pagsiklab ng maraming sakit; ang mga allergic reaction ng mga tao ay nagiging mas malala rin. Ang masasamang reaksyon na may iba’t ibang antas ay nakaaapekto sa iba’t ibang bagay mula sa balat hanggang sa mga panloob na organo. Ang mga ito ang iba’t ibang problema at pasakit na idinudulot ng di-organikong pagkain sa pisikal na buhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Dahil ang katawan ng tao ay nilikha ng Diyos, ang Diyos lamang ang lubos na nakakaunawa sa istruktura at mga pangangailangan nito. Kaya, lumikha ang Diyos ng lahat ng uri ng pagkain para sa sangkatauhan batay sa istruktura at mga pangangailangan ng katawan ng tao. Mula timog hanggang hilaga, mula silangan hanggang kanluran, lumikha ang Diyos ng iba’t ibang pagkain na nakabubuti sa buhay at pananatiling buhay ng mga lokal na tao. Ang mga orihinal na anyo ng lahat ng pagkaing nilikha ng Diyos ay naglalayong maglaan ng mga kinakailangang mapagkukunan ng pagkain para sa buhay at pananatiling buhay ng tao; lahat ng ito ay mahalaga para sa pisikal na buhay at pananatiling buhay ng mga tao. Ibig sabihin, para mabuhay at matustusan ang katawan ng isang tao, hindi ito mabubuhay kung wala ang mga halamang ito na nilikha ng Diyos. Hangga’t ang mga halaman at binhing ito ay nagmumula sa Diyos, nasa mga orihinal na anyo ang mga ito, nagtataglay ng mga kinakailangang papel at sangkap na nilikha ng Diyos, pati na rin ng puwersa ng buhay na kaloob ng Diyos. Kahit nasaan pa ang isang binhi—kahit pa mahulog ito sa mga bitak ng bato kung saan walang lupa—hangga’t mayroon itong puwersa ng buhay, maaari itong sumibol, lumago at gumulang nang normal, at magbunga ng mas marami pang binhi. Sa ganitong uri lamang ng mas malawak na kapaligiran kung saan ang lahat ng bagay ay nagpaparami at nabubuhay, na ang mga tao ay magkakaroon ng mapagkukunan ng pagkain para sa kanilang mga katawan, patuloy na makagagawa ng iba’t ibang aktibidad, at patuloy na makapagpaparami at mabubuhay. Kung mawawala sa iba’t ibang halaman at binhi ang mga orihinal na papel na nilikha ng Diyos, katumbas ito ng pagkakait sa sangkatauhan ng pagkain, at pag-alis ng mapagkukunan ng pagkain ng sangkatauhan. Kahit pa lumikha at gumawa ang mga tao ng ilang pagkaing wala sa mga orihinal na anyo ng mga ito na pansamantalang makakapawi sa kanilang gutom, dahil nabago ang mga orihinal na anyo ng mga pagkain matapos sumailalim sa pagpoproseso at nawala ang mga orihinal na papel nito, pagkatapos kainin ng mga tao ang mga ito, magbabago rin ang mga pisikal na paggana at pandama ng mga ito. Sa paglipas ng panahon, makararanas din ng ilang masamang reaksyon ang mga katawan ng mga tao; magkakaroon ang mga ito ng ilang sakit at pananakit, at maaari pa ngang magkaroon ng ilang malubhang kahihinatnan. Sumasalungat ito sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha ng pagkain para sa sangkatauhan, at sumasalungat din ito sa mga batas at tuntunin ng pananatiling buhay na inorden ng Diyos para sa sangkatauhan. Kaya, paano mo man ito tingnan, hangga’t ang isang bagay ay sumasalungat sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha ng isang bagay na may buhay at sa mga batas at tuntuning inorden ng Diyos, nawala na rito ang papel na nilikha ng Diyos para dito at ang gampaning dapat nitong gampanan, pati na rin ang puwersa ng buhay na kaloob dito ng Diyos, at kaya nagbago na ang diwa nito. Ang paglitaw ng di-organikong pagkain ay sumasalungat sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha ng pagkain; kapag pinoproseso at binabago ng mga siyentipiko ang mga binhi ng pagkain sa pamamagitan ng siyensiya, nagiging sanhi ito ng pagbabago sa diwa ng pagkain. Kaya, ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay. Maging mas makulay at maganda man ang hitsura nito, o maging mas malaki man ito, o dumami man ang bilang nito—paano man ito magbago, hangga’t sumasalungat ito sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha nito at nawawala nito ang mga papel at puwersa ng buhay nito na bigay ng Diyos, isa itong negatibong bagay. Tiyak ito at hindi mapag-aalinlanganan. Kahit ano pa ito, at kahit sa anong panahon o kaninong kagagawan pa ito lumitaw, hangga’t hindi ito nilikha o inorden ng Diyos, kundi sumasalungat sa paglikha at pag-orden ng Diyos, isa itong negatibong bagay. Malinaw na ba ang usaping ito ngayon? (Oo.)
Ngayong malinaw nang napagbahaginan ang usapin na ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay, may isa pang isyu na kailangang pagbahaginan. Nagtatanong ang ilang tao, “Dahil ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay na sumasalungat sa paglikha at pag-orden ng Diyos, paano natin ito dapat tratuhin? Dapat ba natin itong kainin? Dapat ba natin itong hindi kainin, o kumain lang tayo nang kaunti? Ano ang angkop na paraan para magsagawa?” Kakatukoy lang ng ilan sa inyo kanina, “Karamihan ng pagkain sa lipunan ngayon ay di-organiko, at hindi madaling makahanap ng organikong pagkain kung gusto mong bumili ng ilan—sa ilang bansa at rehiyon, ni hindi mo ito mabibili kahit sa mataas na halaga. Kahit pa alam natin ang mga benepisyo ng organikong pagkain at ang pinsala ng di-organikong pagkain, ano ang magagawa natin?” Ganito lang talaga ang mas malawak na kapaligiran. Ito ang mundo ni Satanas, at pinipigilan nito ang mga tao na kainin ang pagkaing may kaloob na puwersa ng buhay na nilikha ng Diyos. Sabi ng ilang tao, “Alam naming nakakapinsala sa aming katawan ang pagkain ng di-organikong pagkain, pero wala kaming kakayahang kumain ng organikong pagkain. Ano ang dapat naming gawin? Dapat ba kaming mamatay na lang sa gutom?” Hindi ka maaaring mamatay sa gutom. Para manatiling buhay, kailangan mo pa ring kumain ng di-organikong pagkain. Kahit pa nakakapinsala sa katawan ang pagkain nito, mas mabuti pa rin iyon kaysa mamatay sa gutom. Kahit pa magpatuloy kang mamuhay nang may gayong paghihirap, hangga’t hindi ka namamatay at natutupad mo ang iyong tungkulin, kumakapit hanggang sa huling sandali at nakakamit ang kaligtasan kahit pa ikaw ay sakitin, kung gayon, nagtagumpay ka laban sa mundong ito at nanaig ka laban kay Satanas. Sabi ng iba, “Dahil napakamapaminsala ng di-organikong pagkain sa mga tao at ang mga epeko nito ay hindi na mababawi, hindi ko na lang ito kakainin. Hahanap ako ng paraan para magtanim ng organikong pagkain sa sarili kong bakuran.” Kung may kakayahan ka, siyempre ayos lang iyon. Pero paano kung ang bahay mo ay walang bakuran at hindi ka makapagtanim ng mga gulay at butil, at isa kang ordinaryong tao na hindi kayang bumili ng organikong pagkain? Kung gayon, ang magagawa mo lang ay kumain ng di-organikong pagkain. Sabi ng ilang tao, “Kung kakain ako ng di-organikong pagkain, kahit papaano ay mapapanatili ako nitong buhay sa loob ng ilang taon, at hindi ako mamamatay pagkatapos lang ng maikling panahon. Kahit na magkaroon ako ng ilang kakaibang sakit mula rito, wala nang magagawa tungkol dito.” Natatakot ba kayo na magkaroon ng lahat ng uri ng kakaibang sakit at umikli ang inyong buhay? (Oo.) Ano ang dapat gawin tungkol dito? Sabi ng ilang tao, “Kung gayon, magagawa lang nating gamitin ang huling paraan—pagtiyagaan kung ano ang mayroon tayo. Para mabuhay, wala tayong ibang mapagpipilian kundi ang kumain ng di-organikong pagkain.” Tama ba ang prinsipyong ito? (Oo.) Tama ba? Hindi ninyo makilatis kung ito ay tama o mali. Ang paggawa ba nito ay pagtitiyaga sa kung ano ang kaya mo, at hindi pagkakaroon ng ibang mapagpipilian? Hindi ito pagtitiyaga sa kung ano ang kaya mo, o hindi pagkakaroon ng ibang mapagpipilian. Sa halip, ito ay pamumuhay ayon sa pananalig. Hindi ba’t may isang linya mula sa mga salita ng Diyos? “Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay.” Ang buhay ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung gaano katagal mabubuhay ang isang tao at ang kanyang pisikal na kondisyon ay nakadepende sa pag-orden ng Diyos, hindi sa kung ano ang kinakain niya. Sapat na na magkaroon ang mga tao ng mga tamang kaisipan at pananaw tungkol sa di-organikong pagkain at magkaroon ng pagkilatis dito. Gayumpaman, dapat tratuhin nang tama ng mga tao ang obhetibong kapaligiran na umiiral. Kung wala kang kakayahang pinansyal o mga kondisyon ng kapaligiran para sa pagtatanim ng sarili mong pagkain, kainin mo kung ano ang mayroon. Kaya, mag-aalala ka ba na magkakasakit o mamamatay ka? Hindi kailangang mag-alala. Bakit? Nasa ating puso ang katotohanan ng mga salita ng Diyos bilang ating suporta at batayan: “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos,” at “Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay.” Ang buhay, pisikal na kondisyon, at haba ng buhay ng isang tao ay pawang nasa mga kamay ng Diyos. Kung magkakasakit ba ang isang tao, kung kailan siya magkakasakit, at kung kailan siya mamamatay—lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi kailangang mag-alala o matakot. Kung hindi ka makakakuha ng organikong pagkain at di-organikong pagkain lang ang makakain mo, kainin mo ito nang panatag ang isip. Kainin mo kung ano ang mayroon. Sabi ng ilang tao, “Kung sinabi Mo na ang di-organikong pagkain ay isang negatibong bagay, bakit Mo sinasabi sa amin na kainin ito nang panatag ang isip?” Paano ka mabubuhay kung hindi ka kakain? Kung masyadong kakaunti ang kinakain mo, makukuha ba talaga ng katawan mo ang kailangan nito? Sinasabi na rin ngayon ng mga walang pananampalataya na ang di-organikong pagkain ay labis na mas mababa ang sustansya kaysa sa organikong pagkain; bagama’t marami kang kinakain, hindi ito nagbibigay ng gaanong sustansya. Isa rin itong katunayan. May isa pang puntong hindi nila alam: Ang proporsyon ng mga masustansyang sangkap sa organikong pagkain ay angkop. Pagkatapos mong kainin ito, tutulungan nito ang katawan mo na gumawa ng maraming sustansya, pabutihin ang sirkulasyon ng dugo, at gampanan ang mga orihinal na papel nito sa loob mo para matiyak ang magandang kalusugan. Gayumpaman, kulang sa masustansyang sangkap ang di-organikong pagkain, kaya hindi ito magagamit ng katawan mo para bumuo ng mga sustansya para matugunan ang mga pangangailangan nito. Ang pinakamahalaga, hindi nagtataglay ng puwersa ng buhay ang di-organikong pagkain at kulang ito sa maraming masustansyang sangkap; hindi ka nito mapalulusog. Pagkatapos itong kainin sa loob ng sampu o dalawampung taon, magkakaroon ang mga tao ng lahat ng uri ng sakit at kakaibang karamdaman, at mawawalan pa nga ng kakayahang mag-anak ang ilan. Masyadong malubha ang gayong mga kahihinatnan. Kaya naman nararamdaman ng ilang tao, “Marami naman akong kinain na pagkain at gulay, kaya hindi ako dapat kulang sa nutrisyon. Pero bakit nanghihina ang buong katawan ko?” Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng organiko at di-organikong pagkain; sa katunayan, naramdaman mo na ito. Bakit mo nararamdaman ito? Ito ay dahil walang puwersa ng buhay ang di-organikong pagkain. Marami kang kinakain nito, pero hindi ito nagbibigay ng maraming sustansya, kaya nanghihina ka at kulang sa sigla. Pero gayumpaman, kailangan mo pa ring kumain; kung hindi, magugutom ka at hindi makakapagtrabaho o mabubuhay. Hindi dapat gumawa ng mga kahangalan ang mga tao, ni dapat silang maging sukdulan. Dapat nilang harapin ang lahat ng bagay ayon sa mga salita ng Diyos at isagawa ang lahat ng bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang dapat na maging malinaw sa mga tao at maunawaan nila. Sa madaling salita, nauuwi ang lahat sa kung paano dapat tratuhin ng mga tao ang di-organikong pagkain. Pagkatapos maunawaan ang mga negatibong epekto at kasunod na mga epekto na idinudulot ng di-organikong pagkain, hindi nito dapat malimitahan ang mga tao, at hindi rin sila dapat mag-alala o matakot, dahil ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang buhay ng mga tao at ang lahat ng tungkol sa kanila ay pawang nasa mga kamay ng Diyos, napapasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Tama ba? (Oo.) Kung ganito mo ito nauunawaan, tama ang iyong mga kaisipan at pananaw. Matapos marinig ang lahat ng ito, naliwanagan at napalaya ba ang inyong puso? (Oo.) Isa itong isyu sa totoong buhay na dapat makita ng mga tao. Kung hindi mo matarok ang usaping ito, masyado kang hangal. Patungkol naman sa kung dapat bang kainin o hindi ang di-organikong pagkain, katatalakay lang natin ng ilang prinsipyo ng pagsasagawa. Dapat mo itong tratuhin nang naaayon batay sa iyong obhetibong kapaligiran at aktuwal na mga kondisyon. Sa madaling salita, dapat mong tingnan ang lahat ng bagay ayon sa mga salita ng Diyos, at dapat ka ring kumilos ayon sa mga salita ng Diyos. Hangga’t ang iyong motibo ay tiyakin ang iyong normal na pisikal na pananatiling buhay at paggana, para magawa mo nang normal ang iyong tungkulin, hindi ka lumihis sa landas ng pagsunod sa Diyos, at matupad mo ang iyong tungkulin at tahakin mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tama ang ginagawa mo. Ito ang nilalaman ng ating pagbabahaginan tungkol sa aspekto ng kung ano ang inoorden ng Diyos.
Gumamit tayo ng dalawang halimbawa para pagbahaginan ang aspekto ng kung ano ang inoorden ng Diyos. Naipaliwanag na ba ito nang malinaw sa pangkalahatan? (Oo.) Kung gayon, kaya ba ninyong makilatis ang pagkakaiba ng mga positibo at negatibong bagay? Kaya mo bang gamitin ang aspektong ito ng katotohanan para tasahin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo? Kung hindi natin pinagbahaginan ang dalawang halimbawang ito, magagawa ba ninyong gamitin ang aspektong ito ng katotohanan tungkol sa mga positibong bagay na binigyan natin ng kahulugan ngayon para sukatin ang mga ito? (Makikilatis ko siguro ang mga mas simple, pero hindi ko makikilatis ang dalawang medyo komplikadong halimbawa na sinabi ng Diyos.) Mabuti na lang at pinagbahaginan natin ito, kung hindi ay baka napalampas ninyo ang pagkain ng masarap na pagkaing tulad ng apple-pear, tama ba? (Oo.) Ang ilang tao na mas malamang na sumunod sa mga regulasyon ay maaaring tumingin sa isang apple-pear at gustuhing kainin ito ngunit hindi mangahas, iniisip na ang pagkain nito ay lalabag sa mga prinsipyong inorden ng Diyos at sasalungat sa mga salita ng Diyos, kaya pinipigilan nila ang kanilang sarili at hindi ito kinakain, at dahil dito, napapalampas nila ang napakaraming pagkakataon na kumain ng masarap na pagkaing ito. Gayumpaman, para sa ilang halatang negatibong bagay, dahil walang pagkilatis ang mga tao, lubos nilang pinupuri at lubos na sinasang-ayunan at tinatanggap ang mga ito sa kanilang puso. Patungkol naman sa di-organikong pagkain, iniisip pa nga nila, “Lubos na natutugunan ng di-organikong pagkain ang pangangailangan ng sangkatauhan sa pagkain, at kasabay nito, makakatulong itong bawasan ang mga pagkamatay mula sa gutom. Ito ay tunay na isang malaking ambag ng siyensya sa sangkatauhan sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao! Ito ay tunay na ginawa ng Diyos; ang Diyos ang nagpasulong ng usaping ito.” Ang gayong simpleng pahayag ay naglalantad ng isang katunayan. Anong katunayan? Na hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Sekundaryo lang ito; mayroon pang mas malubhang problema rito, iyon ay na bumigkas ka ng mga salitang lubhang mapaghimagsik at mapanlapastangan sa Diyos, at dahil dito ay nakakaramdam ang Diyos ng pagkasuklam at pandidiri. Kung ang gayong problema ay maging napakalubha na sumasalungat ka na sa mga layunin ng Diyos at sinasadya mo nang labanan at lapastanganin ang Diyos, maaaring mawala sa iyo ang pag-asa mo na maligtas ka, at makakaapekto ito sa iyong hantungan. Samakatwid, napakahalaga na maunawaan ang katotohanan. Kung hindi tayo gumamit ng mga halimbawa sa ating pagbabahaginan, maaaring naisip ng ilan sa inyo, “Ang di-organikong pagkain ay bunga ng siyentipikong pananaliksik, at ang pag-unlad ng siyensya ay nag-aambag sa sangkatauhan, kaya ang gayong ambag ay malamang na inorden ng Diyos, malamang na pinamatnugutan ito ng Diyos.” Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa ganitong paraan, malinaw na ba ito ngayon? Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Dapat bang unawain ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? (Hindi.) Kung sinasabi ito ng isang tao, mapapahamak siya; ito ay lubhang mapaghimagsik! Bago ka magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa kung ano talaga ang mga bagay-bagay at sa diwa ng mga ito, huwag mong basta-bastang bigyan ng kahulugan ang mga ito, at huwag mong basta-bastang tanggapin o gustuhin ang mga bagay na dumaan sa siyentipikong pagpoproseso. Lalo na pagdating sa mga bagay na iginagalang at popular sa masasamang kalakaran at gusto ng karamihan, dapat kang maging labis na mapagbantay—kilatisin mo ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at huwag na huwag mong tanggapin ang mga ito. Sabi ng ilang tao, “Mahina ang aming kakayahan. Kapag nakikita namin ang iba’t ibang uri ng impormasyong kumakalat online, iniisip namin na ito ay isang panlipunang kalakaran at hindi maaaring maging mali. Pagkatapos itong tingnan, may epekto ito sa aming puso. Kung namumuhay kami nang hiwalay sa lipunan, hindi kami malilihis.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Namumuhay ka sa totoong mundo, sa kasalukuyang lipunan, at hindi mo maiiwasang makarinig ng maraming kakaibang tinig at kakaibang kasabihan at teorya. Ang mga argumentong ito ay hindi maiiwasang pumasok sa iyong puso, kung saan magkakaroon ng epekto ang mga ito, na binabago ang iyong mga iniisip. Iniisip ng mga tao na hangga’t namumuhay sila sa lipunang ito, hangga’t namumuhay sila sa gitna ng mga tao, di-sinasadya na maiimpluwensiyahan sila, maliban na lang kung nakatira sila sa liblib na lugar sa mga bundok at kagubatan o ikinukulong nila ang kanilang sarili sa isang maliit na silid, hindi nakikinig, tumitingin, o nag-iisip tungkol sa mga bagay na ito, na kung saan ay magiging malinis ang kanilang puso. Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Malinaw na hindi. Kung gayon, paano malulutas ang problemang ito? Dapat mong hangarin ang katotohanan at unawain ang katotohanan. Kung mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa lahat ng aspekto ng katotohanan, kapag nakaharap mo ang mga bagay na ito, malalaman mo kung ano ang pinagbabatayang diwa ng mga ito. Magagawa mong mabilis na kilatisin at bigyan ng kahulugan ang mga ito bilang mga positibo o negatibong bagay, at—batay sa pagkakaroon ng konsensiya at katwiran—mabilis mong tatanggapin ang mga positibong bagay, at lalabanan o tatanggihan, pupunahin, at kokondenahin ang mga negatibong bagay. Sa ganitong paraan, mapoprotektahan ka, at hindi ka makakaramdam ng kawalang-magawa, at hindi mo rin kakailanganing mag-alala o matakot nang labis. Bakit? Dahil gamit ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan, magkakaroon ka ng pundamental na abilidad na makilatis ang mga positibo at negatibong bagay, ang iyong mga pananaw at opinyon sa iba’t ibang positibo at negatibong bagay ay magiging batay sa mga salita ng Diyos, at magagawa mong matukoy kung ang mga ito ay mga positibo o negatibong bagay; samakatwid, ang usapin kung ano ang dapat mong gawin ay magiging isang napakadaling bagay. Hindi ba’t ganoon? (Oo.)
Nauunawaan ba ninyo ang katatapos lang nating pagbahaginan? Kung hindi natin ito pinagbahaginan sa ganitong paraan, magagawa ba ninyong maunawaan ito? (Hindi.) Kung gayon, kung makaranas kayo ng ilang taon pa, magagawa ba ninyong makilatis ang mga positibo at negatibong bagay? (Kung walang katotohanan, hindi namin makikilatis ang mga bagay na ito; kung minsan ay hinahangaan at itinataguyod pa nga namin ang mga negatibong bagay. Kaya, hindi naman sa magagawa na naming makakilatis dahil lang sa pagkakaroon ng mas maraming taon ng karanasan.) Ang mga usaping ito ba ay kinasasangkutan ng mga misteryo? (Hindi.) Kung ang mga ito ay hindi kinasasangkutan ng mga misteryo, bakit hindi nauunawaan ng mga tao ang mga ito? Ang mga ito ba ay mga panlabas na usapin? (Oo.) Kung mga panlabas na usapin lang ang mga ito, dapat ay madaling maunawaan ang mga ito, pero ang totoo, ang mga usaping ito ay kinasasangkutan din ng ilang katotohanan at ng mga pananaw ng mga tao sa iba’t ibang bagay. Sa sandaling ang isang bagay ay kinasasangkutan ng mga pananaw sa mga bagay-bagay, at ng diwa at kalikasan ng mga isyu, kinasasangkutan ito ng katotohanan, at kapag kinasasangkutan ito ng katotohanan, hindi ninyo ito matarok, at kayo ay nalilito. Kaya, sa tingin ba ninyo ay kinakailangang magbahaginan sa ganitong paraan? (Oo, kailangan.) Sana, pagkatapos ninyong pakinggan ang pagbabahaginang ito, hindi ninyo itutuon ang inyong pansin sa mga usapin mismo o matututunang sumunod sa mga regulasyon, kundi sa halip, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, ay mauunawaan ninyo ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, magagawa ninyong kilatisin kung ano ang mga positibo at negatibong bagay, at umusad sa aspekto ng katotohanan, at bubuti ang inyong kakayahang kumilatis ng mga bagay-bagay. Mangangahulugan ito na may natamo kayo. Patungkol naman sa mga positibong bagay—lahat ng nasasaklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—kaya na ba ninyong makilatis ang lahat ng ito ngayon matapos nating ilista ang dalawang espesyal na halimbawa kanina? O kaya ba ninyong kilatisin lamang ang mga bagay na magkakauri, at hindi pa rin ninyo kayang kilatisin ang mga bagay na naiiba sa dalawang halimbawang ito? (Marahil ay kaya kong kilatisin ang mga bagay na magkakauri hanggang sa isang antas, at pati na rin ang iba’t ibang bagay na medyo simple, pero hindi ko pa rin malinaw na makilatis ang mga bagay na masyadong komplikado.) Ito ay isang katunayan, hindi ba? Kung hindi pa rin kayo makakilatis, dapat ninyong maarok ang isang prinsipyo. Una, tingnan ninyo kung ang isang partikular na bagay ay sumasalungat sa papel na dapat nitong taglayin bilang nilikha ng Diyos o sa kahalagahan ng pag-iral nito na inorden ng Diyos; tingnan ninyo kung sumasalungat ito sa aspektong ito. Kung sumasalungat ito, isa itong negatibong bagay. Kung hindi ito sumasalungat sa paglikha at pag-orden ng Diyos, ngunit ang anyo ng pag-iral nito at ang halaga ng pag-iral nito ay hindi masasabing may positibo o negatibong epekto sa mga tao—nagsisilbi lamang ito ng isang layunin at nagbibigay ng kaunting kaginhawahan sa buhay ng mga tao, na may kaunting benepisyo ngunit walang pinsala, ibig sabihin, hindi nito pinapahina o ginugulo ang anyo ng pananatiling buhay at normal na pamumuhay ng sangkatauhang nilikha ng Diyos, at hindi rin ito nagdudulot ng anumang masasamang kahihinatnan, at ang pag-iral nito ay hindi maituturing na makabuluhan sa sangkatauhan, at maaari pa ring mamuhay nang maayos ang mga tao kung wala ito—kung gayon, hindi ito maituturing na isang positibo o isang negatibong bagay. Hindi ito nabibilang sa kategoryang iyon; isa lamang itong uri ng bagay o isang gamit, kaya hindi natin ito bibigyan ng kahulugan bilang positibo o negatibo. Halimbawa, ang isang karwaheng hila ng kabayo ay isang paraan ng transportasyon. Hinihila ito ng isang kabayo, na isang bagay na may buhay na nilikha at inorden ng Diyos. Ang karwaheng hila ng kabayo ay gawa ng tao, hindi nilikha ng Diyos; isa itong kagamitang ginawa ng tao gamit ang abilidad na mabuhay na kaloob ng Diyos. Maaari itong magdala ng mga kalakal at maghatid ng mga tao sa iba’t ibang lugar, na ginagawang mas maginhawa ang buhay at paglalakbay ng mga tao. Kaya, sa tingin ninyo, ang isang karwaheng hila ng kabayo na gawa ng tao ay isa bang positibo o negatibong bagay? Gumagamit ba ng enerhiya ang isang karwaheng hila ng kabayo? Naglalabas ba ito ng usok at nagpaparumi sa hangin? (Hindi.) Ang isang karwaheng hila ng kabayo ay hindi nagdudulot ng anumang masamang epekto sa buhay at pananatiling buhay ng mga tao, at ginagawa rin nitong mas maginhawa nang kaunti ang buhay ng mga tao. Gayumpaman, kung wala ito, maaari ding maglakbay ang mga tao nang naglalakad, na mas mabagal lang nang kaunti; hindi naman sa hindi mabubuhay ang mga tao kung wala ito. Ito ay isang bagay na hindi esensyal. Kaya, ang bagay bang ito ay isang positibo o negatibong bagay? (Ang pagkaunawa ko ay hindi ito isang negatibong bagay, pero hindi rin ito isang positibong bagay; hindi lang ito masasabing positibo o negatibo.) Nagmumula ito sa mga kamay ng tao, at hindi ito masasabing positibo o negatibo. Kung tatalakayin mo kung ang isang karwaheng hila ng kabayo ay isang positibo o negatibong bagay, halos katumbas na iyon ng pagpapalaki sa isang maliit na bagay, at paghahanap ng maliliit na mapupuna.
Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga puno ay nilikha at inorden ng Diyos, at ang mga panuntunan ng pamumuhay at anyo ng pag-iral ng mga ito ay mula sa Diyos, kaya mga positibong bagay ang mga ito. Kung gayon, kung ang isang puno ay pinutol at ginawang tabla, isa ba itong positibo o negatibong bagay?” Nagbibigay ng kaunting kaginhawahan ang tabla para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng sangkatauhan, tulad ng paggamit dito para gumawa ng iba’t ibang uri ng muwebles gaya ng mga mesa at upuan, at maaari din itong ipanggatong sa pagluluto. Nagbabago ito mula sa pagiging isang halaman tungo sa pagiging isang kasangkapan. Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Hindi masasabing positibo o negatibo ito.) Tama iyan, ngayon nauunawaan mo na, nakuha mo na. Tanging ang mga bagay na nasa saklaw ng prinsipyong ito—kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ang mga positibong bagay. Anumang lumalabag sa prinsipyong ito ay isang negatibong bagay. Para sa mga bagay na nasa labas ng dalawang kategoryang ito, kung tatalakayin mo kung positibo o negatibo ang mga ito, para ka na ring nakikipagtalo tungkol sa maliliit na detalye, pinapalaki ang maliliit na bagay, at hindi inaasikaso ang iyong wastong gawain. Halimbawa, may ilang taong nagtatanong, “Ang mga kurtina bang gawa ng tao ay isang positibo o negatibong bagay?” Sinasabi ng ilang tao, “Depende iyan sa pinagmulan ng tela. Kung ang mga kurtina ay gawa sa pinrosesong natural na bulak, na hindi kinulayan o pinaputi, at walang idinagdag na mga kemikal, kung gayon ay positibong bagay ang mga ito. Kung ang mga ito ay kinulayan, pinaputi, at nilagyan ng disenyo, o may idinagdag na ilang kemikal, kung gayon ay negatibong bagay ang mga ito. Ang mga negatibong bagay ang dapat nating alisin at isantabi, kaya hindi natin maaaring gamitin ang mga ito. Sa ganitong paraan lamang tayo sumusunod sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, at nagiging mga taong nagmamahal sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Samakatwid, tinutuligsa natin ang lahat ng bagay na hindi produktong gawa sa bulak, at tinutuligsa natin ang lahat ng hindi nagmula sa natural na bagay.” Ano ang mga bagay na nagmula sa natural na bagay? Bulak, seda, at gayundin ang lino. Ayon sa opinyon ng mga indibidwal na ito, bukod sa iilang bagay na ito, wala nang iba pang puwedeng isuot ang mga tao—kung gusto mong iwasang labagin ang mga prinsipyo, at gusto mong makamit ang kakayahang mahalin ang mga positibong bagay at tanggihan ang mga negatibong bagay, kung gayon ay dapat mong isuot ang mga bagay na ito, dahil tanging ang mga bagay na ito ang nasa orihinal na anyo ng mga ito na nilikha ng Diyos. Wasto ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Sasabihin ng ilang tao, “Ayon sa pananaw na ito, kung gayon, sinumang nagsusuot ng mga telang dumaan sa siyentipikong proseso ay hindi isang taong nagmamahal sa mga positibong bagay, hindi isang taong nagsasagawa sa katotohanan, kundi isang taong walang pagkilatis at walang mga prinsipyo, isang taong lubhang mapaghimagsik at kinasusuklaman ng Diyos, at tapos na ang gayong tao!” Angkop ba ang pahayag na ito? (Hindi, pagpapalaki iyan ng maliit na bagay.) Ang gayong mga tao ay may mga natatagong motibo sa kanilang mga salita, at kaya pa nga nilang kondenahin ang iba, pinapalaki ang mga bagay-bagay. Anong uri sila ng mga tao? (Mga taong sumusunod sa mga regulasyon at walang espirituwal na pang-unawa.) Sila ay mga taong baligho, mga balighong uri. Sa pagpapahayag ng mga maling paniniwala at maling kaisipang ito, pinapalaki nila ang maliliit na bagay at ginagamit ang mga paksang tinatalakay para ipahayag ang sarili nilang mga opinyon. Puno ang kanilang mga isipan ng mga maling paniniwala at maling kaisipang ito, at walang-humpay nilang naibubulalas ang mga ito, pero kapag hinihiling mo sa kanilang makipagbahaginan tungkol sa isang bagay na may kaugnayan sa katotohanan, wala silang masabi. Kapag hinihiling mo sa kanilang makipagbahaginan tungkol sa kung ano ang mga positibong bagay, sinasabi nila ang mga maling paniniwala at maling kaisipang ito. Hindi ba’t sa tingin mo ay nakakasuklam iyon? Maraming bagay ang hindi kaugnay sa mga positibong bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa istriktong pananalita, hindi nila nilalabag ang prinsipyo ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang mga anyo ng kanilang pag-iral ay hindi nagdudulot ng anumang masasamang epekto o pinsala sa kabuhayan at pananatiling buhay ng sangkatauhan. Kaya, kapag nagsasalita ka, pinakamainam na magkaroon ng konsensiya at katwiran, at huwag mong palakihin ang maliliit na bagay at huwag kang basta-bastang magkondena. Ang mga bagay na nasa saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay karapat-dapat nating pagbahaginan, at karapat-dapat nating tanggapin, unawain, sundin, pahalagahan, at protektahan. Bukod sa mga ito, para sa mga bagay na hindi saklaw ng kategoryang ito, pinakamainam na huwag palakihin ang maliliit na bagay at ituring ang mga ito bilang mahahalagang isyu na dapat pagbahaginan, pinagbabahaginan ang mga ito nang may labis na kasigasigan, at pinagbabahaginan pa nga nang napakaseryoso sa loob ng ilang pagtitipon. Hindi ito dapat gawin. Kadalasan, ang mga taong kakatwa, ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa, ang masasamang tao, mga anticristo, at mga diyablo ay mahilig gawin ang mga bagay na ito para magpasikat, para ipakita sa mga tao kung gaano sila katalino. Iniisip ng mga taong walang pagkilatis na ito ay pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at kahit na hindi sila nakakakuha ng anumang pagpapatibay, napipilitan silang magtiis at makinig. Ang totoo, ang mga salita ng mga taong iyon ay pawang mga maling paniniwala at maling kaisipan, at walang kinalaman sa paksa ng mga positibong bagay na tinatalakay Ko. Samakatwid, kung maririnig mo ang ganitong uri ng mga tao na magbanggit ng mga paksa at argumentong ito na hindi kaugnay sa mga positibong bagay, maaari kang tumangging makinig. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at may pagkilatis ka, maaari mo silang pabulaanan at patigilin. Paano mo sila patitigilin? Sasabihin mo, “Tama na, manahimik ka! Ang mga bagay na sinasabi mo ay hindi kaugnay sa katotohanan, ni kaugnay sa mga positibong bagay. Ang sinasabi mo ay mga maladiyablong salita, at walang gustong makinig sa mga iyan. Huwag mong guluhin ang lahat dito, at huwag mong gambalain ang paggawa ng lahat sa kanilang tungkulin!” Kung may mga natatago silang motibo sa kanilang mga salita, at basta-basta silang kumokondena at wala silang positibong epekto, dapat kayong tumindig at patigilin sila sa pagdudulot ng kaguluhan, habang inilalantad din sila para magkaroon ng pagkilatis ang lahat. Pagkatapos makinig, mauunawaan ng lahat na ang kanilang mga salita ay mga maling paniniwala at maling kaisipan, na walang kaugnayan sa katotohanan, na sila ay naghahanap ng maliliit na pagkakamali, nakikipagtalo tungkol sa maliliit na detalye, nanlilihis ng mga tao, nagsasabi ng mga salita at doktrina, at nagbubulalas ng matatayog-pakinggan na ideya, at na mayroon silang mga natatagong motibo at gusto nilang magdulot ng gulo, at dahil dito ay dapat silang paghigpitan at patahimikin. Ipagpalagay na karamihan sa mga taong naroroon sa oras na iyon ay mga taong magulo ang isip na walang pagkilatis sa masasamang tao at mga diyablo, at hindi matukoy na nagpapakalat sila ng mga maling kaisipan at nanlilihis ng mga tao. Kapag nagkakatipon ang mga indibidwal na ito na magulo ang isip at yaong masasamang tao at mga diyablo, lahat sila ay nagkakasundo na para bang pare-parehong masama ang uri nila. Pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, hindi lang sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, kundi nagpapakalat pa sila ng ilang maling kaisipan gamit ang mararangyang salita at talakayan na matatayog pakinggan ngunit hungkag. Sa ganoong sitwasyon, maaari kang tumindig at tahimik na umalis, nang hindi na kailangang magpahayag ng anumang pananaw. Hayaan mo ang mga diyablo na magpasikat at magpanggap. Huwag kang makipagdebate sa kanila, para hindi magulo ang isipan mo at maapektuhan ang paggampan mo sa iyong tungkulin. Bakit? Dahil ang isang diyablo ay palaging isang diyablo; ang isang hayop ay palaging isang hayop. Wala silang pagkamakatwiran, hindi sila makakilatis ng tama sa mali, at hindi nila alam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto; gaano ka man makipagbahaginan, imposibleng maunawaan nila ang katotohanan. Ang mga diyablo ay palaging magsasabi ng mga salita at doktrina, sisigaw ng mga islogan, at magbubulalas ng matatayog-pakinggan ngunit hungkag na usapan, habang yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—mga taong walang espiritu—ay walang anumang pagkilatis. Saanman may panggugulo ng mga Satanas at diyablo, susunod sila at makikisangkot sa gulo. Kung tuturuan mo silang kumilatis, hindi nila ito matututunan. Tanging yaong mga nakakaunawa sa katotohanan ang nagtataglay ng katalinuhan at karunungan, at magtatago sila kapag nakakita ng gulo. Magagawa nilang kumilatis kapag nakakita sila ng isang diyablong nagdudulot ng kaguluhan, at hindi sila makikisangkot sa gulo, dahil alam nilang lumayo sa kasamaan. Saanman nagpapanggap ang mga diyablo, saanman nagtitipon ang mga hayop, aalingasaw sa kabahuan at kawalan ng kaayusan ang lugar na iyon. Pare-parehong masama ang uri nila at nasisiyahan silang magsama-sama. Sinuman ang magsabi ng ilang baligho at ubod ng samang salita, gusto nilang makinig, at inuulit pa nila ang ang mga ito nang may labis na kagalakan. Hindi ba’t pagtitipon ito ng mga diyablo? Kung ikaw ay isang matalinong tao, sa sandaling makita mo ang gayong sitwasyon, dapat kang agad na lumayo at huwag makihalo sa kanila. Bakit hindi ka dapat makihalo sa kanila? Bakit hindi ka dapat makipagdebate sa kanila? Dahil gaano mo man ibahagi ang katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; gaano man karaming salita ang sabihin mo, lahat ng ito ay magiging walang kabuluhan. Yaong mga kay Satanas at sa mga diyablo ay hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, at yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay hindi kayang maunawaan ang katotohanan, kaya gaano man karami ang sabihin mo, walang silbi ito. Binabasa ba nila ang mga salita ng Diyos? Nauunawaan ba nila ang mga salita ng Diyos? Hinanap na ba nila ang katotohanan kailanman? Hindi nga nila tinatanggap ang mga salitang sinasabi Ko, kaya, kaya ba silang pabulaanan ng iilang salitang naiisip mo? Kaya ba nitong baguhin ang kanilang isipan? Matatanggap ba nila ang mga salita mo? Kaya, huwag kang gumawa ng mga kahangalan. Ang tahimik na pag-alis ay isang matalinong pagpili. Kung tatanungin mo ang isang diyablo, “Bakit hindi mo isinasagawa ang katotohanan? Bakit ka palaging nagsisinungaling at gumagawa ng panlilinlang?” mapangahas kang pabubulaanan ng diyablo; makikipagtalo siya at gagamit ng baluktot na pangangatwiran para ipagtanggol ang kanyang sarili, at talagang hindi niya aaminin na siya ay nagsisinungaling at gumagawa ng panlilinlang. Kung tatanungin mo yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop kung bakit sila palaging sumusunod sa mga regulasyon, gagamit din sila ng baluktot na pangangatwiran para ipagtanggol ang kanilang sarili, sasabihing isinasagawa nila ang katotohanan. Kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, dapat mong malinaw na makita na ang mga diyablo at yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, kaya dapat mong itigil ang pakikipagbahaginan sa kanila at itigil ang paggawa ng mga kahangalan. Gaano man karaming salita ang sabihin mo o gaano man karaming bagay ang gawin mo, hindi mo mababago ang kanilang kalikasang diwa, kaya walang maitutulong ang anumang dami ng talakayan. Dapat kang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa mga kayang tumanggap ng katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang madaling tumanggap sa katotohanan—sa kanila ka lang maaaring magkaroon ng normal na pakikipag-uusap. Para sa mga diyablo at mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, gaano man karaming katotohanan ang pagbahaginan mo o gaano man karaming gawain ang gawin mo, lahat ng iyon ay walang kabuluhan. Sa sandaling iyon, maaari mo silang mapabulaanan hanggang sa puntong hindi na sila makaimik, at maaaring maramdaman nila na tama ang sinabi mo, pero pagkatapos, magbabago ang kanilang kalooban, at maghahanda pa nga sila ng ilang salita para pabulaanan ka at ipahiya ka. Nakikita ninyo, magagawa ba ng mga diyablo na tanggapin ang katotohanan? (Hindi.) Talagang hindi. Yaong mga diyablo at yaong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay hindi talaga tumatanggap sa katotohanan. Kahit pa tanggapin nila ito sa isang partikular na sandali, sa salita lamang iyon, at tatalikuran nila ang sinabi nila pagkatapos. Kaya, makakamit mo ba ang anumang resulta sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan? Gusto mo silang baguhin para magkaroon sila ng konsensiya at katwiran, at para malaman nila na hindi nila nauunawaan ang katotohanan at dapat nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan—ang ideyang ito at ang motibong ito mismo ay mali; hindi mo dapat kailanman taglayin ito. Nauunawaan mo na ba ngayon? (Oo.)
Bumalik tayo sa paksa ng mga positibong bagay. Ang saklaw ng mga positibong bagay ay binibigyang-kahulugan bilang nasa loob ng kategorya ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Anuman ang ating kinakaharap, dapat nating isaalang-alang, “Nilikha ba ito ng Diyos? Paano ito nauugnay sa pag-orden ng Diyos?” Kung hindi ito nilikha ng Diyos at walang kinalaman sa pag-orden ng Diyos, dapat natin itong tratuhin nang may pag-iingat. Kung sumusunod pa rin tayo sa mga kalakaran ng mundo at pinupuri natin ito nang labis, hindi ba’t kahangalan iyon? Kung ang isang bagay ay wala sa saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay hindi ito matatawag na positibo o negatibong bagay, at kaya walang saysay na talakayin ito. Kung tatalakayin mo man ito, dahil ba gusto mo itong tanggapin bilang isang positibong bagay? O dahil gusto mo itong ilarawan bilang isang negatibong bagay at tanggihan? Anong pakinabang ang maidudulot ng pagtanggap o pagtanggi rito sa iyong buhay at sa iyong sariling asal? Kapaki-pakinabang ba ito para sa iyong pagtanggap sa katotohanan? Kung walang pakinabang, walang saysay na ituring ito bilang isang paksa para sa pagbabahaginan at talakayan; kahangalan iyon at paggawa ng mga kahangalan, tama ba? (Oo.) Halimbawa, ang mga karwaheng hila ng kabayo, mga tela, mga kama, at mga upuan na katatalakay lang natin—kung palagi mong pinapalaki ang maliliit na bagay at gusto mong pag-usapan ang mga ito: “Isa ba itong positibo o negatibong bagay? Dapat ba natin itong tanggapin o tanggihan? Dapat ba natin itong pahalagahan o hamakin? Ano ang angkop na paraan para tratuhin ito?” isa itong pagpapamalas ng pagiging baluktot. Ang mga taong may tendensiyang maging baluktot ay hindi kayang maarok ang mahahalagang punto; palagi silang nagsisikap sa mga anyo, doktrina, at regulasyon, at hindi nila kailanman nauunawaan kung paano pagsikapan ang katotohanan. Dahil maraming bagay ang hindi kinasasangkutan ng isyu ng mga positibo at negatibong bagay, hindi na kailangang pagbahaginan ang mga ito. Ito ay dahil, palibhasa ay hindi mga positibo o negatibong bagay, maliit lang ang epekto ng mga ito sa iyong buhay pagpasok at sa landas ng buhay na tinatahak mo, at kaya hindi mo na kailangang pag-isipan pa nang husto ang mga ito. Gamitin mo ang mga ito kung magagamit mo, at ayos lang kung hindi. Kung may ilang produktong gawa sa kemikal na nakakaapekto sa kalusugan ng mga tao, at ang amoy o mga sangkap na kemikal ng mga ito ay magdudulot ng pinsala sa katawan ng mga tao, kung gayon ay dapat kang humanap ng paraan para layuan ang mga ito, at iwasan mo ang paggamit ng gayong mga pang-araw-araw na gamit hangga’t maaari o huwag mo na lang talagang gamitin ang mga ito. Sa ganitong paraan, maaari mong alisin o bawasan ang pinsalang idinudulot ng mga ito. Imposibleng tuluyang maiwasan ang mga pinsalang ito, pero hangga’t hindi nito pinipinsala ang inyong buhay sa ngayon, hindi ito nagiging sanhi ng pagkakasakit ninyo sa maikling panahon, at hindi nito naaapektuhan ang inyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos, o ang paggampan ninyo sa inyong mga tungkulin at paghahangad sa katotohanan, sapat na iyon, dahil ganoon lang talaga ang kapaligiran. Malinaw na ba ang prinsipyong ito ngayon? (Oo.)
Nakapagbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa aspekto ng “kung ano ang inorden ng Diyos.” Kung gayon, hindi ba’t dapat din tayong magbahaginan tungkol sa katotohanan patungkol sa “kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos”? (Oo.) Mayroon bang bahagyang pagkakaiba sa pagitan ng “kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos” at ng “kung ano ang nilikha ng Diyos at kung ano ang inorden ng Diyos”? (Mayroon.) Ano ang nasasangkot sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Madalas sabihin na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao. Anuman ang uri ng kapalaran ng mga tao, ang usapin ba ng kapalaran mismo ay isang positibong bagay? (Oo.) Anuman ang kapalaran ng isang tao, mukha man itong maganda o masama sa panlabas, hangga’t ito ay mula sa Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, isa itong positibong bagay. Kung gayon, paano matutukoy na ang mga kapalaran ng mga tao ay mga positibong bagay? May iba’t ibang uri ng kapalaran ang mga tao. Sa panlabas, ang ilan ay tila namumuhay ng mga pinagpalang buhay, habang ang iba ay nagdurusa; ang ilang tao ay maunlad sa buong buhay nila, habang para sa iba ay hindi kailanman nagiging maayos ang mga bagay-bagay; ang ilang tao ay namumuhay sa kasaganaan, ang iba ay sa matinding kahirapan; ang ilang tao ay may masaya at maligayang pamilya, habang ang iba ay may malungkot na buhay may-asawa at mga suwail na anak; ang ilang tao ay nag-iisa sa buong buhay nila, habang ang iba ay masayang napapalibutan ng kanilang mga anak at apo; ang ilang tao ay pinahihirapan ng sakit at kirot sa buong buhay nila, namumuhay sa matinding kapighatian, habang ang iba ay malakas at malusog, namumuhay ng komportable at malayang buhay, at sa huli ay namamatay nang payapa sa katandaan. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kapalaran ng iba’t ibang uri ng mga tao? (Oo.) Kung gayon, ang kapalaran ba ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila, “Dahil ang kapalaran ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, dapat maging maganda lahat ang kapalaran ng mga tao. Bakit napakaraming masamang kapalaran?” Mayroon pang isang mas nakakalitong katunayan, at iyon ay na ang mga kapalaran ng karamihan sa mga tao ay hindi ayon sa kanilang nais. Tingnan mo—ilang tao ang hindi nagdurusa ng anumang hirap sa buong buhay nila, ang isinilang sa yaman at katayuan, at nakararanas ng labis na pagmamahal mula sa lahat ng dako? Ilan ang gayong mga tao? Tanging yaong mga isinilang sa mga elite na pamilya ang may gayong kapalaran. Karamihan sa ibang mga tao ay nagdurusa sa buong buhay nila at nagtitiis ng hindi mabilang na mga paghihirap, nakakasagupa ng mga hadlang sa bawat hakbang—lubhang mahirap para sa kanila ang mga bagay-bagay at hindi talaga nagiging madali. Bagama’t sa teorya ay kinikilala mo na ang mga kapalaran ng mga tao ay pawang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at na ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay, hindi mo pa rin nauunawaan sa iyong puso: “Kung sinasabing isang positibong bagay para sa mga isinilang sa labis na pribilehiyo na magkaroon ng magagandang kapalaran, sa usapin ng doktrina, katanggap-tanggap ito. Pero para sa 80 hanggang 90 porsiyento ng mga tao, hindi nagiging madali ang mga bagay-bagay at nagdurusa sila sa buong buhay nila—kaya bakit ang gayong mga kapalaran ay mga positibong bagay rin at nasa ilalim din ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Medyo hindi ito katanggap-tanggap. Maging dahil man sa pagkakaroon ng moral na hustisya o dahil sa simpatiya, ang mga kapalarang tulad nito ay hindi maaaring iklasipika bilang mga positibong bagay. Hindi ito tumutugma. Maaari kayang mali ang depinisyong ito? Kung tunay ngang mali ito, dapat alisin ang bahagi tungkol sa kapalaran ng mga tao mula sa kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Pero kung aalisin ito, itatanggi niyon ang katunayan na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao. Hindi ba’t magiging lubhang mapaghimagsik iyon? Pero paano natin dapat maunawaan ang katunayan na ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay, at na ang masasamang kapalaran ay mga positibong bagay rin?” Medyo nalilito ang mga tao. Naglalatag ito ng mahirap na tanong para sa inyo, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin. Tingnan natin kung sino ang makakapagpaliwanag nang malinaw sa usaping ito. (Sa tingin ko ay mali para sa mga tao na ituring ang pagharap sa mga paghihirap bilang isang masamang bagay. Ang totoo, ang kapalarang inorden ng Diyos para sa isang tao, ito man ay paghihirap o kaginhawahan, ay ang pinakakapaki-pakinabang para sa kanya. Ang pagdurusa, sa partikular, ay mas lalo pang may kakayahang humubog sa mga tao. Dagdag pa rito, ang mga bagay na ito ay may kaugnayan sa reinkarnasyon ng mga kaluluwa ng mga tao. Marahil dahil sa paggawa ng masama sa kanyang nakaraang buhay o dahil sa kung anong pagkakautang mula sa kanyang nakaraang buhay, kailangang magdusa ng isang tao sa buhay na ito para pagbayaran ito. Lahat ng ito ay napapasailalim sa pag-orden at pagsasaayos ng Diyos.) Kung gayon, ano ang positibong bagay rito? Maipapaliwanag mo ba ito nang malinaw? (Hindi.) Kita mo, kung may isang taong talagang magtatanong sa iyo tungkol dito, hindi mo ito maipapaliwanag nang malinaw; matitigilan ka rito. Kung hindi mo ito sineryoso, palalampasin mo lang ito, pero maaapektuhan nito ang iyong pagtanggap sa katotohanan na “ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay,” maaapektuhan nito ang iyong paggamit sa katotohanang ito para ilarawan kung aling mga bagay ang positibo, maaapektuhan nito ang iyong pagtanggap at pagkilala sa anumang positibong bagay, at maaapektuhan din nito ang iyong saloobin sa lahat ng bagay na nasa saklaw ng “kung ano ang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos,” na, siyempre, ay kinasasangkutan ng kung tatanggapin o kokondenahin mo ba ang mga ito—napakaseryoso ng isyung ito. Kung hindi mo matarok ang usapin ng kapalaran, malamang na ituring mo itong isang negatibong bagay at ilarawan mo ito bilang ganoon. Pero ang mga kapalaran ng mga tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at inorden ng Diyos. Kung ilalarawan mo ang mga kapalaran ng mga tao, na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at inorden ng Diyos, bilang mga negatibong bagay, ano ang kalikasan ng isyung ito? (Paglapastangan laban sa Diyos.) Ito ay pagkondena sa Diyos at paglapastangan sa Diyos. Sa pananalita ng tao, nangangahulugan itong “Nakagawa ka ng malaking kasalanan, kaya humayo ka at ipagtapat mo agad ang iyong mga kasalanan!” Hindi na tayo magsasabi pa ng marami tungkol dito.
Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa “ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay” at nabanggit natin ang mga kapalaran ng mga tao. Bagama’t malawak ang saklaw ng nilalamang ito, napakapartikular din nito; nauugnay ito sa buhay ng bawat tao at ng buong sangkatauhan. May iba’t ibang uri ng kapalaran ang mga tao, pero ang mga kapalaran ng karamihan sa mga tao, ayon sa nakikita ng mga tao o ayon sa nararanasan nila mismo, ay maaaring ilarawan sa isang salita: sawimpalad. Ang “sawimpalad” ay nangangahulugang puno ng mga pagsubok at kabiguan ang kapalaran ng isang tao; namumuhay ang gayong tao ng isang napakahirap na buhay, at sa halos lahat ng oras ay hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa nais niya. Sumasailalim man sa maayos o mahirap na mga karanasan ang isang tao, anuman ang nakikita o natatanto niya, isang puntong hindi maikakaila ay na bagama’t nakikita ng napakaraming tao na ang kanilang mga kapalaran ay hindi ayon sa nais nila, ang kapalaran ng lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi ito dapat itanggi kailanman. Dahil ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao ay nagbunga ng gayong realidad na mahirap tanggapin para sa mga tao, kinakailangang pagbahaginan kung ano ang mga prinsipyo at ugat ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao, at kung ano ang motibo ng Diyos sa pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao—ibig sabihin, kung bakit ganito ang paraan ng pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao, at kung bakit Niya isinasaayos ang gayong mga kapalaran para sa mga tao. Una, tingnan natin kung ano ang motibo ng Diyos sa pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao. Dumarating ba ang mga tao sa mundong ito para iraos lang ang mga bagay-bagay o mag-aksaya ng kanilang panahon? (Parehong hindi.) Sa usapin ng motibo ng Diyos sa pagsasaayos ng mga kapalaran ng mga tao, ito ay hindi para pumarito sila sa mundo para lamang maglakad-lakad nang kaunti na parang mga naglalakad na bangkay at matapos na. Sa halip, ito ay para mamuhay sa laman ang mga tao at maranasan nila ang buhay, at pagdaanan nila ang lahat ng uri ng kapaligiran sa pamumuhay, pati na ang iba’t ibang kalagayan sa iba’t ibang panahon. Tungkol naman sa pagdanas ng buhay, ang laman ng tao ay may isang katangian: Kung ang isang tao ay namumuhay sa isang komportableng kapaligiran nang hindi dumaranas ng anumang pagsubok, paghihirap, suliranin, o kabiguan, hindi madali para sa kanya na lumago at magkaroon ng hustong isip. Ito ay tulad ng isang halamang tumutubo sa isang greenhouse nang hindi nalalantad sa hangin at araw; napakarupok ng buhay nito, dahil hindi madali para dito na sumipsip ng iba’t ibang sustansya mula sa kalikasan. Sa sandaling malantad ito sa nakakapasong araw at malalakas na hangin, napakadali para dito na mabali at mamatay nang maaga, at pagkatapos ay hindi na makapagpapatuloy ang buhay nito. Samakatwid, sa usapin ng kalikasan at instinto ng laman ng tao, hindi dapat maging tulad ng mga bulaklak sa isang greenhouse ang sangkatauhan na hindi nakakaranas ng hangin at ulan, kundi ay dapat magtiis ito ng iba’t ibang suliranin, pagsubok, at pagkadismaya mula sa mundo ng tao. Sa gayong kapaligiran sa pamumuhay, gagamitin ng sangkatauhan ang kanilang malayang kalooban at mga kaisipang bigay ng Diyos, at sila ay—sa lahat ng posibleng paraan, nang nagsasarili, nang buong tiyaga, at nang walang takot sa anumang paghihirap—magpapatuloy at mabubuhay. Pasisiglahin nito ang iba’t ibang instinto ng mga tao para sa buhay at pananatiling buhay, at magagamit ng mga tao ang kanilang instintong bigay ng Diyos para sa pananatiling buhay upang mamuhay nang nagsasarili at harapin ang bawat kapaligiran, pati na ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa kanilang paligid. Sa isang banda, mula sa perspektiba ng obhetibong instinto ng laman ng tao, kailangan ng mga tao ang pagpapasigla at tulak ng kapaligirang ito para makabuo ng pagnanais na manatiling buhay, upang sila ay makapamuhay nang may katatagan. Sa panlabas, tila mahirap ang ganitong pamumuhay, pero sa gitna ng pagpapasigla at mga dagok ng kapaligirang ito, nagkakaroon ang mga tao ng mas malakas na pagnanais na manatiling buhay, at kaya sila ay magpapatuloy, at unti-unti silang lalago tungo sa pagkakaroon ng hustong isip, unti-unting makikibagay sa pamumuhay kasama ng iba, at magiging hindi gaanong marupok, sa halip ay magkakaroon ng tiyaga, pagtitiis, at katatagan, na may kakayahang manatiling walang takot sa anumang paghihirap. Ito ang paunang motibo ng Diyos sa pagsasaayos ng mga kapalaran ng mga tao; ito ang pangunahing konsepto ng mga kapalaran ng mga tao na idinisenyo batay sa orihinal na anyo ng instinto ng kanilang laman. Isa itong aspekto. Ang isa pa ay na—mula sa pangunahing konseptong ito—kapag ang mga tao ay naglalakbay sa mundong ito, mula pagkabata hanggang pagtanda, sa proseso ng unti-unting pagtanda, nararanasan nila ang mga pangyayari sa buhay, nagkakamit sila ng karanasan sa buhay, at nagkakamit ng ilang prinsipyo at landas para sa pagharap sa iba’t ibang paghihirap sa buhay. Sa ganitong paraan, unti-unting lumalago ang mga tao tungo sa pagkakaroon ng hustong isip, at lalo silang nagiging may kakayahang mamuhay nang nagsasarili sa pagitan ng langit at lupa, at sa gitna ng iba. Hindi sila magiging gaanong marupok, at hindi sila makakaramdam ng panghihina ng loob o pagkadismaya—o makararamdam pa nga na walang pag-asa sa buhay—kapag nakakaranas sila ng kaunting kabiguan o pagkatalo. Sa halip, pagkatapos maranasan ang iba’t ibang mahirap na kalagayan, lalo silang magkakaroon ng kakayahang tingnan nang wasto ang buhay at kamatayan, at lalong magkakaroon ng kakayahang matanto kung aling mga tungkulin ang dapat nilang gampanan sa buhay at kung ano ang pinakakailangan nila, at sa ganitong paraan, lalo silang makakaramdam ng kapanatagan sa buhay. Sa prosesong ito, unti-unting lumalago ang mga tao tungo sa pagkakaroon ng hustong isip; ibig sabihin, unti-unti nilang nararating ang punto na hindi na sila natatakot sa mga hirap at panganib, hindi na natatakot sa kamatayan, at hindi na natatakot sa anumang paghihirap. Sa simula, kapag bata pa ang mga tao, umiiyak sila at hindi makatulog kapag nakakarinig sila ng ilang hindi kanais-nais na salita at mga salitang tumatagos sa puso o nakakaranas sila ng kaunting paghihirap o kabiguan, at pakiramdam nila ay walang pag-asa sa buhay. Unti-unti, nararating nila ang punto kung saan mayroon na silang kaunting katatagan ng kalooban at paglaban sa kanilang puso kapag nakakarinig sila ng mga salitang tumatagos sa puso at nakakaranas ng mga paghihirap, at hindi na nila nararamdaman na walang saysay ang mabuhay, ni iniisip ang kamatayan. Kalaunan, kapag nakakarinig sila ng mas marami pang salitang tumatagos sa puso at nakakaranas ng mga kabiguan at pagkatalo, kaya na nilang tiisin ang mga ito sa kanilang puso nang hindi gaanong naaapektuhan, at nararamdaman nila na napakanormal para sa mga tao na maranasan ang mga bagay na ito sa buhay, at hindi na nila kailangan ang pag-alo, pagpapalakas ng loob, o tulong ng iba para maipagpatuloy ang kanilang buhay. Sa ganitong paraan, hindi ba’t nagkakamit ang mga tao ng lalo pang higit na katatagan? May kakayahan ang mga tao na manatiling buhay nang nagsasarili, at may motibasyon din sila na manatiling buhay nang nagsasarili. Dapat pagdaanan ng lahat ang yugto ng pagiging bata at walang muwang. Pagkatapos lamang ng edad na kuwarenta o singkuwenta sila unti-unting nakakarating sa isang kalagayan ng pagiging husto na ang isip at nagiging mga nasa hustong gulang na. Kahit na hindi pa nakapagsisimula ng pamilya, nakapagtatatag ng karera, o nagiging magulang ang isang tao, batay sa kung ano ang pinagdaanan niya sa buhay, mula sa mga salitang binibigkas niya, at mula sa mga natatanto, nauunawaan, at saloobin niya sa kanyang buhay, sa pamumuhay, sa mga paghihirap na kinakaharap niya, at sa mga bagay na nangyayari o hindi nangyayari ayon sa nais niya, makikita mo na ang taong ito ay lumaki na at naging husto na ang isip. Ano ang sanhi ng lahat ng ito? Ang sanhi nito ay ang iba’t ibang paghihirap, pagkadismaya, at maging ang mga suliranin at pagkabigo na lumilitaw sa mga kapalaran ng mga tao gaya ng inorden ng Diyos. Samakatwid, mula sa perspektibang ito, walang duda na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay, at dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanang ito nang lubusan. Masasabi ba rito na ang Diyos ay tunay na may masisidhing layunin sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao? (Oo.) Nananampalataya man ang isang tao sa Diyos o hindi, habang ang mga tao ay unti-unting nagkakaroon ng hustong isip mula sa kanilang pagsilang, yaong may mahusay na kakayahan ay maaari pa ngang makarating sa punto ng pagkaunawa na sila ay napapasailalim sa kapalaran at ng paghahanap sa Diyos. Batay sa katunayang ito, hindi ba’t isang positibong bagay ang orihinal na intensyon ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao? (Oo.) Kita mo, kapag sinasabi Ko ito, tumatango kayong lahat at kinikilala ninyo na isa itong positibong bagay. Bakit ganoon? Dahil ang sinasabi Ko ay isang katunayan, at naipaliwanag Ko na nang malinaw ang diwa ng usaping ito, at naranasan na rin ninyo ito, tama ba? (Oo.) Tunay ngang nakinabang ang sangkatauhan mula sa kapalarang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Anuman ang iyong pinagmulan, o saan ka man nanggaling, at anuman ang papel na ginagampanan mo sa lipunang ito, sa madaling salita, hangga’t nabubuhay ka sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nakatanggap ka na ng mga pakinabang mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi iyan tama. Dapat magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa mga kapalaran ng hinirang na mga tao ng Diyos, sa mga kapalaran ng mga tao. Walang kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa mga kapalaran ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo o hayop.” Wasto ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Anumang bagay na isang nilikha ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hangga’t ito ay isang nilikha, mayroon itong kapalaran. Ikaw ay isang nilikha, kaya mayroon kang kapalaran. Nagsaayos ang Diyos ng isang kapalaran para sa iyo, kaya ang iyong kapalaran ay hindi isang bagay na pinili mo, ni isang bagay na nilikha mo; nagmumula ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Samakatwid, anuman ang papel na ginagampanan mo, nagreinkarnasyon ka man mula sa isang tao, isang hayop, o isang diyablo, dahil ngayon ay mukha kang isang miyembro ng lahi ng tao, tiyak na mayroon kang kapalaran, at ang iyong kapalaran ay tiyak na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Batay sa puntong ito, hindi ba’t isang positibong bagay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao? (Oo.) Bakit natin sinasabi na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay? Dahil ang Diyos ay may masisidhing layunin sa likod ng kapalarang isinasaayos Niya para sa sinumang nilikha; lahat ng ito ay para makapamuhay nang normal at maayos sa mundong ito ang sangkatauhan, nang may iba’t ibang likas na kondisyong ipinagkaloob ng Diyos. Hindi tinatrato ng Diyos ang sinumang tao nang hindi patas. Tulad ng sinasabi, ang araw ay sumisikat sa mabubuti at sa masasama. Ito ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi, bakit natin sasabihin na tanging ang Diyos ang Lumikha ng sangkatauhan, at tanging ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan? Dahil ito ang ginagawa ng Diyos, mayroon ang Diyos ng abilidad na ito, at taglay Niya ang diwang ito at ang awtoridad na ito. Nililinaw ito ng puntong ito—ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa mga kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay, at hindi ito maaaring itanggi o pagdudahan. Ibig sabihin, dahil sa mga batas ng buhay sa laman ng sangkatauhan, ang mga kapalaran ng mga paghihirap at pagsubok na isinasaayos ng Diyos para sa mga tao ay makakatulong sa kanila na unti-unting magkaroon ng hustong isip at makompleto nang maayos ang kanilang paglalakbay sa buhay na ito. Mula sa perspektibang ito, ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay isang positibong bagay.
Sa pagtingin sa isa pang aspekto ng kapalaran ng mga tao, maraming tao ang namumuhay nang mahirap at nakakadismaya. Tila hindi naman sila gumawa ng anumang masama, ngunit mukhang pinarurusahan sila. Halimbawa, nawawalan ng ama ang ilang tao sa kanilang kabataan, ng asawa sa katanghalian ng kanilang buhay, at ng anak na lalaki sa kanilang katandaan, at nawawasak ang kanilang mga pamilya dahil sa kamatayan. May ilan na naaaksidente, tulad ng mga banggaan ng sasakyan o pagbagsak ng eroplano. May ilan na may mga kapansanan: Ang ilan ay bulag, ang ilan ay bingi, at ang ilan ay nawalan ng mga braso o binti. May ilan na lubos na naghihirap dahil sila ay naloko, at ang iba ay ginugugol ang buong buhay nila sa pagbabayad ng mga utang. Kapag dumarating sa mga tao ang iba’t ibang sawimpalad na bagay na ito, marami ang nagsasabi, “Hindi patas ang Langit. Tila hindi ito isang bagay na dapat gawin ng Langit. Kung ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao, paano Niya nagagawang gawin silang ganito kamiserable? Paano Niya nagagawang hayaan ang mga inosenteng tao na magdusa ng gayong mga dagok at makaranas ng gayong kasawian?” Kung titingnan ito ng mga tao mula sa perspektiba ng orihinal na layunin ng Lumikha sa pag-orden ng kapalaran ng mga tao, masisidhi ang mga layunin ng Lumikha para sa sangkatauhan, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay. Ngunit kapag may ilang espesyal na bagay na nangyayari sa kapalaran ng mga tao na tila kalunus-lunos mula sa perspektiba ng konsensiya ng sangkatauhan, hindi maunawaan ng mga tao kung bakit isang positibong bagay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao, at hindi nila malaman kung ano ang nangyayari. Maraming tao ang naniniwala na may mga hindi patas na aspekto sa pagsasaayos ng Lumikha sa kapalaran ng mga tao, at pakiramdam nila ay hindi gaanong makatwiran na sabihing ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay. Samakatwid, may ilang tao na nakaisip ng isang karaniwang kasabihan: “Ang mga gumagawa ng mga tulay at nagkukumpuni ng mga daan ay nagiging bulag, habang ang mga gumagawa ng maraming masasamang gawa ay pinagpapala na magkaroon ng malalaking pamilya.” Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ito patas. Ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng mga daan ay pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti. Ang mga taong gumagawa niyan ay dapat magkaroon ng malalaking pamilya at maging napakayaman. Paanong nagiging bulag sila? Maaari kayang ang gayong kapalaran ay nasa ilalim din ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at isa ring positibong bagay? Hindi ito makatwiran!” Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at wala silang kaalaman tungkol sa Diyos, talagang hindi nila maiintindihan o mauunawaan ang mga bagay na ito. Palaging sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Pinahahalagahan ng Langit ang mga buhay na nilalang.” Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, kung mayroong isang Diyos, kung mayroong isang Langit, dapat magmalasakit ang Diyos sa Kanyang mga nasasakupan. Kung Siya ang Lumikha, dapat Siyang magmalasakit sa Kanyang mga nilikha at makitungo sa kanila nang may kabaitan; hindi Niya dapat hayaang danasin nila ang mga pasakit na ito. Sa paningin ng mga tao, kung nabubuhay ang sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at ng mga diyablo, kauna-unawa na maaari silang magdusa ng mga pasakit na ito, ngunit dahil ang sangkatauhan ay nabubuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila dapat danasin ang mga ito. Lalo na pagdating sa ganitong uri ng kapalaran na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lalong hindi maunawaan ng mga tao kung ano ang nangyayari. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, napakahirap para sa kanila na kilalanin na may kahulugan sa likod ng bawat bagay na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos at isinasaayos ng Diyos; hindi nila maunawaan ang ilang bagay, at hindi sila makausad sa mga espesyal na sitwasyong ito. Kung ang isang tao ay may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, sasabihin niya, “Kung hindi natin maipaliwanag ang bagay na ito, huwag na natin itong pag-usapan, hindi natin ito dapat husgahan ayon sa kagustuhan natin.” Maituturing siyang may kaunting katwiran. Ang ilang tao ay walang konsensiya o katwiran, lalong wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Sila ay makapal ang mukha at may lakas ng loob na manghusga nang walang pakundangan kapag nakakaranas sila ng mga bagay na hindi naaayon sa kanilang kagustuhan, “Hmp! Sinasabi ng mga tao na pinahahalagahan ng Langit ang mga buhay na nilalang, kung gayon, bakit ang ilang tao na tila napakabuti ay namamatay sa murang edad? At marahas ang pagkamatay nila, nag-iiwan ng maraming anak. Labis na kaawa-awa, labis na kalunos-lunos! At sinasabi pa rin ng mga tao na isang positibong bagay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang pagkakaroon ng mga tao ng gayong kalunos-lunos na kapalaran ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng diyos, kung gayon, ang diyos ay hindi matuwid!” Ganoon na lang kawalang-pakundangan kung manghusga sa Diyos ang mga taong ito. Walang duda na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang kapalaran ng mga tao. Hindi ito kailanman maaaring pagdudahan o itanggi sa anumang oras. Ang pahayag na “Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng mga tao” ay wasto sa lahat ng panahon at isang katunayan sa lahat ng panahon, dahil ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay, at hindi ito kailanman magbabago sa anumang oras. Kung gayon, bakit nakakaranas ang mga tao ng gayong kalunos-lunos na mga sitwasyon? May isang bagay na hindi alam ng mga tao, o maaaring nauunawaan nila ito sa usapin ng doktrina ngunit hindi nila ito maipaliwanag nang malinaw, at iyon ay na ang kapalaran ng bawat tao ay may sanhi at bunga. Kung anong uri ng kapalaran ang mayroon ka at kung anong mga bagay ang pinagdurusahan mo sa buhay na ito ay maaaring mga bunga ng iyong nakaraang buhay, at maaari ding maging mga sanhi sa iyong susunod na buhay. Katulad lang ito ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.” Sa iyong nakaraang buhay, maaaring naghasik ka ng ilang sanhi at bunga—kung isasaayos ng Diyos na ikaw ay magreinkarnasyon bilang isang tao at maging miyembro ng sangkatauhan sa buhay na ito, dapat mong pagbayaran ang mga sanhi at bungang inihasik mo; dapat kang makabawi para sa mga ito. Kung makakabawi ka ba para sa mga ito at kung dapat mo ba itong gawin ay hindi ikaw ang magpapasya. Walang sinumang gumawa ng masama ang handang tumanggap ng kaparusahan. Tanging ang Lumikha ang makapagsasaayos ng bagay na ito, ang may awtoridad na gawin ito, at, siyempre, ang may kapangyarihang gawin ito. Kung gayon, ano ang prinsipyo ng Lumikha sa paggawa nito? Ito ay ang gantimpalaan ang mabuti at parusahan ang masama. Bagama’t ang sangkatauhan ay hindi nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi kilala ang Diyos, at hindi naaarok ang mga pundamental at prinsipyo ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, para sa Diyos, dahil Siya ay may matuwid na disposisyon at dahil sa Kanyang pagkakakilanlan bilang ang Lumikha, nagtatag Siya ng mga makalangit na tuntunin at kautusan para sa sangkatauhan at para sa lahat ng bagay. Saan nakabatay ang mga makalangit na tuntunin at kautusang ito? Nakabatay ang mga ito sa matuwid na disposisyon ng Diyos at sa Kanyang awtoridad at kapangyarihan. Ang pagtatatag ng mga makalangit na tuntunin at kautusang ito ay nasasalamin sa isang penomenon sa mundo ng mga tao, at iyon ay ang reinkarnasyon ng mga tao. Ang proseso ng reinkarnasyon ng tao ay madalas na direktang nauugnay sa sanhi at bunga, at ang ugnayang ito ng sanhi at bunga ay nasasalamin at naipapamalas sa ilang espesyal na bagay sa kapalaran ng mga tao. Dagdag pa rito, sa proseso ng reinkarnasyon ng tao, tinatanggap ng mga tao ang mga gantimpala ng Diyos pati na rin ang Kanyang mga kaparusahan. Pinarurusahan ng Diyos ang mga gumagawa ng masama; ibig sabihin, hinahayaan Niya silang makaranas ng lahat ng uri ng kasawian at sakuna, at lahat ng uri ng kaparusahan na itinuturing ng mga tao na hindi nararapat at hindi makatwiran. Ang ilan sa mga kaparusahang ito ay talagang labis na kalunos-lunos pa nga sa paningin ng tao, ngunit mayroong dahilan kung bakit dumarating sa kanila ang kalunos-lunos na sitwasyong ito. Hindi ito isang bagay na ipinataw sa kanila ng Diyos nang walang dahilan, kundi isang kaparusahan na dapat nilang danasin dahil nakagawa sila ng di-mabilang na masasamang gawa. Kapag hindi maunawaan ng mga tao ang mga pasikot-sikot ng bagay na ito, nagsasalita sila ng walang katuturan at nagrereklamo tungkol sa Langit at sa Diyos, na napakahangal. Kung gayon, ano ang sitwasyon ng mga nagtatamasa ng biyaya ng Diyos? Dahil nag-ipon sila ng merito at gumawa ng maraming kabutihan sa kanilang nakaraang buhay—maraming bagay na nakinabang ang sangkatauhan, at maraming bagay na hindi nagdulot sa kanila ng pagkondena kundi nagbibigay-gantimpala ayon sa mga makalangit na tuntunin at kautusan ng Diyos, nagtatamasa sila ng maraming pagpapala sa buhay na ito. Bibigyan Ko kayo ng isang halimbawa. Sabihin nating may isang babaeng isinilang sa isang masayang pamilya—bagama’t hindi gaanong mayaman ang pamilya, marami itong anak na lalaki at walang anak na babae, at isinaayos ng Diyos na mapabilang siya sa pamilyang ito. Sa sandaling isilang ang sanggol na babaeng ito, siya ay itinuturing na yaman ng pamilya—napakahalaga na tila natatakot silang huminga malapit sa kanya sa takot na masaktan siya. Ang batang babaeng ito ay maganda, matalino, at kaibig-ibig, at gusto siya ng lahat ng kanyang mga magulang at mga nakatatanda. Ang buong buhay niya ay naging maayos at walang sagabal. Anuman ang gawin niya o anumang paghihirap ang maranasan niya, palaging may mababait na tao na tumutulong sa kanya, at lahat ng kanyang mga paghihirap ay nalulutas nang napakadali. Wala siyang mga alalahanin at namumuhay siya nang magaan at masaya. Tunay siyang pinagpala! Ano ang nangyayari dito? May kinikilingan ba ang Lumikha na ilang partikular na tao? (Wala.) Kung gayon, bakit nakakatamasa ang ilang tao ng gayon kalaking mga pagpapala? Nakasaad sa mga makalangit na tuntunin at kautusan na ang isang partikular na uri ng tao na gumawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan ay dapat gantimpalaan, at maaaring gayon siyang tao. Dahil tinanggap niya ang gantimpala mula sa Lumikha, nagtatamasa siya ng gayon kalaking mga pagpapala sa mundo ng mga tao. Hindi niya kailanman kailangang mag-alala tungkol sa pagkain at pananamit; saanman siya magpunta, may mababait na tao na tutulong sa kanya, at saanman siya magpunta, gusto siya ng mga tao. Kahit na siya ay nasa kwarenta o singkwenta anyos na at malalaki na ang kanyang mga anak, itinuturing pa rin siyang kayamanan ng kanyang mga magulang; tuwing mayroon silang magandang bagay, itinatabi nila iyon para sa kanya. Naiinggit ang iba kapag nakikita siyang nagtatamasa ng gayong mga pagpapala, at nararamdaman ng ilan na hindi ito patas dahil hindi nila matamasa ang gayong mga pagpapala. Kung gusto mo ring tamasahin ang gayong kapalaran na isinaayos ng Lumikha, at tamasahin ang suwerte at mga pagpapalang tulad ng sa kanya, dapat ka ring mag-ipon ng higit pang merito at gumawa ng higit pang kabutihan, at dapat ding higit mo pang gawin ang mga bagay na itinakda ng Langit bilang pag-iipon ng merito at paggawa ng mabuti—sa gayon, matatamasa mo rin ang gayong mga pagpapala. Ano ang ipinapaalam ng penomenon na ito, ng katunayang ito, sa mga tao? Anuman ang uri ng kapalaran ng isang tao sa mundo ng mga tao—nagtatamasa man siya ng mga pagpapala o nakakaranas ng mga sakuna, magaan man ang takbo ng kanyang buong buhay o nakakaranas siya ng maraming kasawian at kalamidad—mayroon itong tiyak na kaugnayan sa kanyang nakaraan at kasalukuyang buhay. Sa huli, kung gayon, kung ano ang kanyang kapalaran ay may kaugnayan sa mga makalangit na tuntunin at kautusan na itinakda ng Diyos. Kung lahat ng ginawa niya sa kanyang nakaraang buhay ay naaayon sa mga probisyon ng mga makalangit na tuntunin at kautusan na nagreresulta sa pagtanggap ng gantimpala, kung gayon ang kanyang kapalaran sa buhay na ito ay maaaring, sa paningin ng mga tao, maging maningning, magaan ang takbo, at napakabuti. Kung ang ginawa niya sa kanyang nakaraang buhay ay lumabag sa maraming makalangit na kautusan, at nagkataon lang na tumugma sa mga probisyon ng mga makalangit na tuntunin at kautusan na itinakda ng Diyos na nagreresulta sa kaparusahan, kung gayon, ang kapalaran na isinasaayos ng Diyos para sa kanya ay, sa paningin ng mga tao, magiging isang partikular na miserable at kaawa-awang buhay, na para bang ang buhay na ito ay para lang pumarito siya at pagbayaran ang kanyang mga nakaraang utang. Hindi siya kailanman nagtatamasa ng anumang masarap na pagkain o magandang damit, at walang sinumang may gusto o nagmamalasakit sa kanya. Pakiramdam niya ay dahil sa kanyang masamang kapalaran kaya siya labis na nagdurusa sa buhay na ito. Nang manampalataya siya sa Diyos, saka lang niya naunawaan na ang buong buhay ng isang tao ay inorden ng Diyos. Kapag kinikilala niya na ang Diyos ang nag-oorden ng mga bagay-bagay, nagiging mas madali para sa kanya na magpasakop sa Diyos, at nagiging mas maayos ang kanyang pag-uugali at hindi na siya lumalaban sa kanyang kapalaran. Dati, may pagtutol siya sa kanyang kalooban: “Anong masasamang bagay ba ang nagawa ko? Malinis ang aking konsensiya sa buhay na ito. Wala pa akong napinsalang sinuman. Bakit ganitong kapalaran ang naranasan ko? Hindi patas ang Langit!” Pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos, nauunawaan niya: “Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Inudyukan ako ng Diyos na lumapit sa Kanyang harapan sa pamamagitan ng mga bagay na ito!” Tama ring mag-isip sa ganitong paraan, at ito ay isang katunayan. Ngunit isa ring katunayan na ang kaparusahang tinatanggap ng mga tao ay nagmumula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Saan humahantong ang lahat ng ito—ang siklo ng mga sanhi at bunga, ang pagpaparusa sa masama at paggagantimpala sa mabuti, at ang mga makalangit na tuntunin at kautusan? Sa likod ng lahat ng ito ay ang matuwid na disposisyon ng Diyos; ang matuwid na disposisyon ng Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito. Samakatwid, kahit na ang lahat ng uri ng bagay na hindi naaayon sa mga kuru-kuro, panlasa, o kagustuhan ng mga tao ay lumitaw sa kanilang kapalaran, ang usapin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay nananatiling isang positibong bagay. Hindi ba’t makatwiran ito? (Oo.) Dahil sa iyong kabutihang-loob bilang tao, kapag nakakakita ka ng mga taong nagdurusa, iniisip mo, “Labis na kaawa-awa ang taong iyon! Hindi ko kayang makita ang sinumang nagdurusa, at hindi ko kayang makita ang masasamang tao na nang-aapi ng iba.” Ang ilang tao ay palaging inaapi sa buhay na ito. Ano ang dahilan niyan? Ito ay dahil sa kanilang nakaraang buhay, palagi silang nang-aapi ng mga tao at nakakapinsala ng ilang tao, kaya sa buhay na ito, sila naman ang dapat apihin. Kung palagi kang nang-aapi ng mga tao, ang bungang aanihin mo sa huli ay ang ikaw naman ang aapihin. Ito ang pagiging matuwid ng Lumikha. Sa pamamagitan ng ganyang pag-asal, lumabag ka sa mga makalangit na kautusan, kaya dapat mong pagbayaran at tiisin ang sakit at pagdurusa para sa kasamaang ginawa mo sa iyong nakaraang buhay. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos, at hindi mo ito matatakasan. Samakatwid, ang katunayan na mayroong lahat ng uri ng kapalaran para sa mga tao ay lalong nagpapalinaw na ang mga makalangit na tuntunin at kautusan na itinakda ng Diyos ay hindi maaaring baguhin ng sinumang tao, at walang sinuman ang eksepsiyon. Ang Lumikha ay hindi kailanman nagkaroon ng mga damdamin ng laman para sa sangkatauhan, at siyempre, ang diwa ng Lumikha ay ang hindi magkaroon ng mga damdamin ng laman. Siya ay mayroon lamang matuwid na disposisyon. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos, sa wika ng tao, ay makatwiran at matuwid. Kaya paano ito dapat tingnan mula sa perspektiba ng katotohanan? Ito ay ang matuwid na disposisyon ng Diyos—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Dapat itong tanggapin ng mga tao mula sa Diyos, at hindi sila dapat magkaroon ng anumang mga paghusga o pagtatasa sa Diyos na hindi naaayon sa realidad o hindi naaayon sa katotohanan. Kahit pa nakikisimpatiya ka at naaawa sa ilang tao mula sa perspektiba ng tao, bilang isang tagasunod ng Diyos na nakakaunawa ng ilang katotohanan, dapat mong purihin ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at dapat mo ring purihin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Napakainam na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa ganitong paraan! Dahil mismo sa pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao sa ganitong paraan kaya ang sangkatauhan ay nakapanatili nang maayos hanggang sa araw na ito. Kung si Satanas ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao, matagal nang nagkagulo ang sangkatauhan, at naging imposible para sa kanila na mabuhay hanggang sa araw na ito. Tingnan ninyo kung ano ang hitsura ng kaharian ng diyablo; kung walang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mundo ng mga tao ay magiging katulad ng kaharian ng diyablo. Ano ang kaharian ng diyablo? Ang pinakamakatotohanang halimbawa ay ang mga panloob na alitan—na isinasagawa nang hayagan at nang palihim—sa loob ng awtokratikong pamumuno ng CCP, na puno ng pagdanak ng dugo at masidhing intensyon na pumatay. Iyon ang kaharian ng diyablo. Hindi ba’t magulo ang panloob na sitwasyon ng awtokratikong pamumuno ng CCP? Madalas na nawawala ang mga tao, at kahit na malinaw na pinaslang sila, walang nangangahas na ianunsyo ito. Ito ang kaguluhan ng kaharian ng diyablo, at ito rin ang kaguluhan ng masamang mundo ngayon.
Tiyak na walang duda na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay. Mula man sa perspektiba ng orihinal na layunin ng Diyos sa pagdidisenyo ng kapalaran ng mga tao o mula sa perspektiba ng mga resulta ng kapalaran ng mga tao na bunga ng mga makalangit na tuntunin at kautusan na itinatag ng Diyos, dapat sabihin nang may lubos na katiyakan na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay isang positibong bagay, hindi isang negatibong bagay. Kung mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa katotohanang ito, maaari mong hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos upang malutas ang iyong mga kuru-kuro, ngunit hindi mo maaaring sabihin batay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, “Ang kapalaran ng mga tao sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay dapat na pawang mabuti at kapaki-pakinabang sa kanila. Bakit napakasama ng kinahihinatnan ng ilang tao dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hindi ito dapat na kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, tama ba?” Hindi mo dapat kailanman sabihin ang gayong bagay. Ang gayong sukdulang mapaghimagsik at mapaglapastangan na pahayag ay hindi dapat kailanman lumabas sa iyong bibig. Mula sa araw na ito, dapat mong tanggapin at pagtibayin ang katotohanan na “Ang kapalaran ng mga tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay isang positibong bagay.” Huwag mo itong pagdudahan. Gaano man kasalungat sa iyong mga kuru-kuro ang kapalaran ng mga taong nakikita ng iyong sariling mga mata o iyong nararanasan, o kahit na sa tingin mo ay hindi makatao ang mga ito, dapat kang maniwala at magpatibay na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng mga tao ay totoo, at isang positibong bagay. Ang puntong ito ay hindi maaaring pagdudahan. Malinaw bang napagbahaginan ang katotohanang ito? (Oo.) Ito ay isang napakahalagang isyu sa pagkilala sa Diyos, at nalutas na ito, tama ba? (Oo.) Kung gayon, tapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito para sa araw na ito. Paalam!
Abril 6, 2024