Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)
Ang nilalaman ng ating pagbabahaginan kamakailan ay tungkol sa pagkilatis sa iba't ibang uri ng tao—pagtukoy sa kanilang iba't ibang kategorya at klasipikasyon batay sa kanilang mga pinagmulan, at pagkatapos ay pagkilatis sa diwa ng iba't ibang uri ng tao sa pamamagitan ng kanilang iba't ibang pagpapamalas sa totoong buhay. Ang pagkatutong kilatisin ang iba't ibang uri ng tao ay kapaki-pakinabang sa kung paano sila pakikitunguhan nang wasto at kung paano mo pakikitunguhan nang wasto ang iyong sarili, hindi ba? (Oo.) Hindi ba’t nalutas din ng pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito ang mga dating kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa mga mananampalataya sa Diyos? Halimbawa, dati ay tinatrato ng maraming tao ang lahat ng mananampalataya bilang mga kapatid. Basta't nasa iglesia ang isang tao, basta't masigasig siya sa paggawa ng kanyang tungkulin, gaano man karaming kasamaan ang nagawa niya, gaano man kasama ang kanyang pagkatao, o gaano man kayabang, katuso, o kamapanlinlang ang kayang disposisyon, tinrato siya ng mga taong ito bilang kapatid at tinulungan nila siya nang may pagmamahal. May pagkilatis ba ang gayong mga tao? (Wala.) Sa pamamagitan ng ilang taon na ito ng pagdidilig at pagkain, malaki na ang ipinagbago ng inyong mga pananaw, hindi ba? (Oo.) Ngayong nagbago na ang inyong mga pananaw, hindi ba't medyo may prinsipyo na kayo sa pakikitungo sa iba't ibang uri ng tao? (Oo.) Hindi ba't iba na ang mga pananaw at saloobin ninyo sa iba't ibang uri ng tao kumpara sa dati? (Oo, iba na.) Bago pagbahaginan ang mga isyung ito, walang pagkilatis ang mga tao sa iba't ibang uri ng tao, naniniwalang basta't nananampalataya sa Diyos ang isang tao, mabuti siyang tao, isang miyembro ng sambahayan ng Diyos, at kahit iyong mga may masamang pagkatao ay mga taong nilalayong iligtas ng Diyos. Kung titingnan ngayon, ganoon ba ang sitwasyon? (Hindi.) Hindi na ganoon ang sitwasyon ngayon. Kaya, kung titingnan ngayon, mas marami ba ang mabubuting tao o ang masasamang tao? (Sa tingin ko ay mas marami ang masasamang tao. Dati, ang tingin ko sa maraming tao ay mabuti naman, pero sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos at sa pag-uugnay nito sa mga pagpapamalas ng iba't ibang uri ng tao, pakiramdam ko ay mas marami ang masasamang tao.) Dati, sa pinakamainam, mayroon kang kaunting pagkilatis sa mga malinaw na hindi mananampalataya, mga oportunista, masasamang espiritu, maruruming demonyo, at sa mga maaaring magdulot ng malilinaw na paggambala at panggugulo, nalalamang hindi sila mabubuting tao o mga kapatid. Ngayon, sa pamamagitan ng gayong pagbabahaginan, bukod sa pagkakaroon ng kakayahang kilatisin iyong mga may malilinaw na pagpapamalas, hindi ba't, sa pangkalahatan, ay kaya mo nang kilatisin ang lahat ng tao batay sa kanilang mga pagbubunyag at pagpapamalas? (Oo.) Kaya, pagkatapos ng gayong pagbabahaginan, kapag kayo ay muling nakikipag-ugnayan sa mga tao, hindi ba't iba na ang pakiramdam kumpara sa dati? (Medyo iba na. Ngayon, kapag nakikipag-ugnayan ako sa mga tao, nakatuon ako sa pag-obserba sa kanilang mga pagbubunyag at kung anong mga pananaw ang ipinapahayag nila kapag nakakaranas sila ng mga bagay-bagay, para tayahin kung sila ay nagreinkarnasyon mula sa mga tao, mga hayop, o mga diyablo. Natuon na ako sa pagkilatis sa mga tao batay sa kanilang diwa at uri.) Ibig sabihin nito, natuto ka nang kumilatis ng mga tao. Kaya mo na bang kilatisin ang sarili mo, kung gayon? (Medyo.) Sa madaling salita, ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay kapaki-pakinabang para sa pagkilatis sa mga tao. Makakatulong ito sa iyong kilatisin ang mga pag-uugali at pananaw ng iba't ibang uri ng tao at matarok ang diwa ng mga taong ito. Sa ganitong paraan, pakikitunguhan mo ang iba't ibang uri ng tao ayon sa mga prinsipyo, at kapag nahaharap sa ilang espesyal na tao, pangyayari, o bagay, hindi mo sila pakikitunguhan batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at magagawa mong maarok ang ilang pangunahing prinsipyo sa pangangasiwa ng mga problema, kaya't mas mababawasan ang paggawa mo ng mga kahangalan. Halimbawa, dati, kapag nakakakita ng ilang taong may abnormal na pag-uugali o baluktot na mga pag-iisip at pananaw, maaaring iniisip mo na ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan at walang abilidad na umarok, o na kakaunti ang napakinggan nilang sermon at napakababaw ng kanilang pundasyon, at kaya dapat kang maglaan ng kaunting pagsisikap para mas diligan at tulungan sila. Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, dahil nagkamit ka na ng pagkilatis sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, tatalikuran mo na ang mga dating hangal na gawi na iyon at hindi ka na gagawa ng mga gampaning walang maibubunga. Kung gayon, kaya ba ninyong pakitunguhan ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo? (Kaya namin nang kaunti.) Magkakaroon ba kayo ng mga paglihis sa inyong pagsasagawa? (Kung hindi ko mahuhusgahan nang wasto ang diwa ng isang tao, maaari akong magkaroon ng mga paglihis sa aking pagsasagawa.) Sa anong mga pagkakataon ka magkakaroon ng mga paglihis sa iyong pagsasagawa? Ipagpalagay na ang panlabas na pag-uugali nila ay lubos na umaayon sa mga kuru-kuro ng karamihan ng tao—kaya nilang magbayad ng halaga at talikuran ang mga bagay-bagay, madalas na magsabi ng mga tamang bagay, at madalas na magkawanggawa at tumulong sa iba—sa usapin ng pagkatao, itinuturing na mabait ang taong ito, pero kasabay nito, sadyang hindi siya normal, at madalas siyang nagpapakita ng ilang sukdulang pag-uugali, at nagpapakita siya ng ilang higit sa natural na pagpapamalas, makikilatis mo ba ang gayong tao? Alam mo ba kung paano siya pakikitunguhan? (Dahil lang sa pagbabahagi ng Diyos noong nakaraan kaya ko nalaman na ang gayong tao ay isa sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo.) Mailalarawan mo ang kanyang diwa bilang diwa ng isang diyablo at matatarok mo ang katunayang ito, pero matutukoy mo ba kung ano ang angkop na paraan para pakitunguhan siya batay sa kanyang mga pagpapamalas sa pang-araw-araw na buhay at sa kasalukuyan niyang kalagayan? Nasasangkot dito ang mga prinsipyo ng pakikitungo sa mga tao. Kaya, ano ang angkop na paraan para pakitunguhan ang ganitong uri ng tao? Kung ang kalagayan ng kanyang buhay ay normal naman, hindi siya nagdulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia, at hindi nanggulo sa iba, kung gayon ay pakitunguhan siya nang wasto—kung kaya niyang magserbisyo, hayaan siyang gawin ito; kung hindi niya kaya, at nakapanggulo na siya sa iba, at natarok na ng karamihan ang kanyang mga pagpapamalas at pagbubunyag at natutukoy nila na ang kanyang diwa ay diwa ng isang diyablo, kung gayon ay hindi pa huli ang lahat para pangasiwaan siya sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanya. Hindi ba’t isa itong prinsipyo? (Oo.) Ito ay isang prinsipyo; dapat itong maging malinaw sa iyong puso. Paano man siya pangasiwaan pagkatapos, dapat ay angkop ang tiyempo. Ipagpalagay na natatarok mo siya, pero hindi pa siya nakakasalamuha ng karamihan, at lalong hindi pa nila siya natatarok. Kung direkta mo siyang ilalarawan at pangangasiwaan nang hindi nagbabahagi tungkol sa katotohanan at ipinapaliwanag kung paano siya kikilatisin, iyan ay masyadong padalos-dalos. At ipagpalagay na matapos matarok ang kanyang diwa, nagsimula kang makaramdam ng pagkasuklam sa kanya, at pagkatapos ay naghanap ka ng mga pagkakataon para pungusan siya, o palagi mo siyang pinupuntirya sa iyong mga salita at kilos, pati na rin kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan—magandang paraan ba ito ng pagkilos? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil kung ganito natin siya pakikitunguhan, hindi malalaman ng karamihan ng tao kung ano ang nangyayari at baka magkaroon pa sila ng mga maling pagkaunawa. Dapat ibunyag at ilantad ang diwa ng taong ito sa pamamagitan ng mga katunayan, at kapag may pagkilatis na ang mga tao sa kanya, saka pa lang angkop na ilantad at himayin siya o pungusan siya—mauunawaan ng lahat kung gayon. Kung ang taong ito ay hindi isang taong naghahangad ng katotohanan, pero hindi naman nanggugulo at kaya pa ring magserbisyo nang kaunti, kung gayon ay dapat natin siyang hayaang magserbisyo. Kung alam nating hindi siya isang taong naghahangad ng katotohanan pero patuloy pa rin natin siyang pinupungusan, makakaapekto ito sa paggampan niya ng tungkulin.) Ang pagkilos sa ganoong paraan ay walang prinsipyo. Kapag pinakikitunguhan ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo at ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, kahit pa, sa pamamagitan ng pakikisalamuha at pag-obserba sa loob ng mahabang panahon ay natarok mo na ang kanilang diwa, dapat kang gumamit ng kaunting karunungan at pakitunguhan sila ayon sa mga prinsipyo. Ayos lang na gumamit ng karunungan, pero hindi mo maaaring labagin ang mga prinsipyo. Maraming detalyeng nasasangkot sa pakikitungo sa gayong mga tao ayon sa mga prinsipyo. Ang isa sa mga ito ay na kahit pa malinaw mong nakikita na sila ay mga taong tutol sa katotohanan, na ang diwa ay diwa ng mga diyablo, hindi mo maaaring palaging hanapan sila ng mali o punahin ang maliliit nilang pagkakamali para pungusan sila, o ilantad sila sa bawat pagkakataon. Hindi nila malalaman kung ano ang nangyayari; magiging wala silang kaalam-alam, at hindi nila malalaman kung bakit mo sila pinupungusan at pinupuntirya. Ang paggawa nito ay makakaapekto pa sa paggampan nila ng tungkulin. Kahit pa, sa paningin ng iba, hindi ka nagkakamali sa iyong ginagawa o sinasabi, ang pagkilos sa ganitong paraan ay hindi lamang walang naidudulot na resulta kundi humahantong pa sa masasamang kahihinatnan, at hindi ito umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, anuman ang uri ng taong iyong kinakaharap, dapat mo silang pakitunguhan ayon sa mga prinsipyo at nang walang kinikilingan; huwag kang kumilos batay sa iyong nararamdaman. Ayos lang na gumamit ng kaunting karunungan, pero dapat mo silang pakitunguhan ayon sa mga prinsipyo. Ang pagkilos sa ganitong paraan, sa isang banda, ay sumusunod sa kaayusan at sa mga alituntunin, at mas maliit ang posibilidad na magdulot ng mga paggambala; sa kabilang banda, pinapatunayan din nito na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, na hindi ka nagwawala at gumagawa ng masasamang gawa, at hindi mo sutil o walang ingat na ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa sarili mong mga intensyon. Dapat kang magkaroon ng mga prinsipyo sa pakikitungo sa bawat uri ng tao. Sila man ay mga diyablo, hayop, o tao, dapat mo silang pakitunguhan ayon sa mga prinsipyo. Dapat mong makilatis ang mga uring ito ng tao at maarok ang mga prinsipyo sa pakikitungo sa mga tao. Hindi ka dapat magkaroon ng baluktot na pagkaarok pagdating sa usaping ito, tama ba? (Tama.) Huwag kang gumawa ng anumang bagay na nakakagambala. Kung gagawa ka ng isang bagay na nagdudulot ng mga paggambala o panggugulo, masyado kang hangal; hindi ito ang dapat gawin ng isang tao. Naunawaan ba? (Naunawaan.)
Dati, pinagbahaginan natin ang mga pagpapamalas ng mga diwa ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, na dalawang magkaibang klasipikasyon. Nakatulong ito sa mga tao na makita na bagama't lahat ng uri ng tao ay may anyong-tao, ang mga pagkakaiba sa kanilang diwa at kanilang klasipikasyon ay makikilatis sa pamamagitan ng magkakaibang saloobin nila sa katotohanan. Anuman ang hitsura ng panlabas na anyo ng isang tao—marahil ang isang tao ay may maayos na mga katangian ng katawan, mukhang napakapino at mabait, o tila edukado, maganda ang pagpapalaki, nagtataglay ng katayuan at kagandahang-asal, at tila may dignidad pa nga, ay napakadakila, hindi isang ordinaryong tao—wala sa mga ito ang batayan para sa pagtukoy sa kanyang diwa. Anuman ang kanyang hitsura, matangkad man siya o maliit, mataba o payat, anuman ang kulay ng kanyang balat, o kung ang buhay man niya ay masagana o maralita, wala sa mga ito ang makakapagpakita kung ano talaga ang kanyang diwa. Ang paglalarawan sa diwa ng isang tao ay hindi maaaring ibatay sa mga pamantayan ng tradisyonal na kultura ng tao o mga kasabihan tungkol sa wastong asal, at hindi rin ito maaaring ibatay sa mga motto o tanyag na kasabihan ng mga kilalang tao na ibinubuod ng mga tao sa buong kasaysayan, o sa mga mapanlinlang na pahayag ng mga naghaharing partido. Kung gayon, sa ano ito dapat ibatay? Dapat gamitin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, ang katotohanang ipinahayag ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, bilang batayan para husgahan at tukuyin ang diwa ng iba't ibang uri ng tao. Hinding-hindi dapat husgahan ang mga tao batay sa kanilang panlabas na anyo, kanilang mga kaloob, o sa kaalamang naarok na nila, at lalo namang hindi batay sa katayuan ng isang tao o sa papel na ginagampanan niya sa lipunan at sa gitna ng mga tao. Lahat ng gayong paraan ng paghusga sa mga tao ay mali. Dapat husgahan ang mga tao batay sa mga salita ng Diyos; tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Sa isang banda, dapat itong ibatay sa katotohanan; sa kabilang banda, dapat itong ibatay sa saloobin ng isang tao sa katotohanan at kung kaya ba niyang arukin ang katotohanan. Pinakatumpak na kilatisin ang diwa ng isang tao at tukuyin ang kanyang klasipikasyon batay sa katotohanan. Tiyak na walang magiging pagkakamali.
Pagkatapos pagbahaginan ang mga pagpapamalas ng dalawang uring iyon ng mga tao—ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo—susunod na dapat nating pagbahaginan ay ang mga pagpapamalas ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga tunay na tao. Dumating na tayo ngayon sa pinakamahalagang bahagi. Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay may ilang partikular na pagpapamalas at katangian para ipakita ito, gayundin ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Kaya, mayroon din bang kaukulang mga pagpapamalas at katangian ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao? (Mayroon.) Tiyak ito. Nabanggit na natin ang ilan sa mga pangunahing pagpapamalas at katangian ng pagkatao na taglay ng mga tunay na tao. Ngayon, pagbabahaginan natin ang mga partikular na pagpapamalas at katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao. Dahil ang klasipikasyon ng ganitong tao ay tao, bago tayo pormal na magbahaginan, isipin muna natin kung ano ang mga pangunahing katangian ng pagiging isang tao. O, sa pamamagitan ng iyong maraming taon ng pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa mga tao, ano ang mga katangiang naobserbahan mo sa ganitong uri ng tao na may klasipikasyon na tao? Ano ang kanilang mga pagpapamalas? Sige na. (Ang ganitong uri ng tao na may klasipikasyon na tao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Halimbawa, kung may nagawa silang mali, o may naagrabyado silang tao, o nakagawa sila ng isang bagay na lumalabag sa katotohanan, nakakaramdam sila ng panunumbat sa kanilang konsensiya.) (Ang ganitong uri ng tao ay nakakaarok ng katotohanan kahit papaano, nagmamahal sa mga positibong bagay, at nasusuklam sa mga negatibong bagay. Ang kanilang konsensiya at katwiran ay matino.) Ang pagkakaroon ng kakayahang arukin ang katotohanan ay isang medyo mataas na pamantayan. Bago nila makaharap ang katotohanan, anong mga katangian ng pagkatao ang taglay ng ganitong uri ng tao? Ano ang mga katangian ng kanilang mga kilos, pananalita, at kung paano sila umasal at kung paano nila pakitunguhan ang mundo? Ano ang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng normal na pagkatao na ipinapakita nila? Ibig sabihin, kapag sila ay nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha sa mga tao, anong mga pagpapamalas ang ipinapakita nila na nagbibigay-daan sa iba na makita na sila ay mga positibong tao? (Sila ay medyo makatwiran, sila ay mabait, hindi sila gumagawa ng mga bagay na nanloloko o namiminsala sa iba, at wala silang intensyong maminsala ng iba.) Ang naiisip ninyo ay ang mga positibong pagpapamalas na ito na medyo naaayon sa pagkatao, na mga pagpapamalas ng isang mabuting tao sa isipan ng mga tao. Ang pagiging mabait, hindi panloloko o pananakit sa iba, pagtupad sa kanilang sinasabi, pagkaramdam ng responsabilidad, pagkakaroon ng kakayahang makisama nang maayos sa iba, pananabik sa mga positibong bagay at pagkasuklam sa mga negatibong bagay—lahat ng ito ay ilang positibong pagpapamalas ng pagkatao. Mayroon pa ba? (Mayroon ding pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa—ang kakayahang maunawaan ang mga salita ng Diyos.) Ang pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa ay walang kaugnayan sa pagkatao, na kasalukuyan nating tinatalakay. Pangunahin nating pinag-uusapan ang iba't ibang pananaw ng mga taong may pagkatao sa pangangasiwa sa mga usapin, pati na rin ang mga pagpapamalas ng diwa ng sariling asal at pakikitungo sa iba, ang kanilang mga prinsipyo at pinakamabababang pamantayan pagdating sa kanilang sariling asal at mga kilos, at iba pa. Ang mga positibong pagpapamalas ng pagkatao na kayang makita at matutunan ng mga tao ay iilan lamang. Tila yaong mga nasa sangkatauhan na nakakaunawa kung paano umasal ay talagang bihira. Hindi kataka-taka na marami ang nagsasabing nabigo sila sa kanilang pag-asal. Tingnan ninyo kung paano ginagampanan ng mga aktor sa mga pelikula at palabas sa telebisyon ang mga positibong karakter—pagdating sa pagbubunyag ng isang partikular na pananaw, pagpapamalas, o saloobin sa isang usapin, hindi alam ng mga aktor kung paano iarte o ipahayag ito, at ang kanilang pagkaunawa sa larangang ito ay blangko. Kung hihilingin mo sa kanilang gampanan ang karakter ng isang siga, isang hoodlum, isang pinuno ng mafia, isang kalapating mababa ang lipad, isang mahalay na babae, o isang sikat o dakilang tao, magagawa nilang gampanan ang papel nang napakahusay, inilalarawan ang bawat kilos, bawat salita at gawa, maging ang isang sulyap, ng mga taong ito nang napakalinaw at may lubos na pagiging partikular. Ang ilang manonood, matapos silang makitang gumanap ng isang negatibong papel, ay napagkakamalan pa nga na sila talaga ang masamang tao mula sa palabas, at gugustuhing saktan sila kung sakaling makita sila ng mga ito. Ang ilan ay duduraan pa sila. Tingnan ninyo kung gaano kalinaw nilang ginampanan ang kanilang papel, binigyan talaga nila ng buhay ang masamang taong iyon. Paano naman pagdating sa pagganap bilang isang mabuting tao? Makakakuha ba ng kaunting inspirasyon ang mga tao mula sa kanilang pagganap, para malaman kung paano maging isang taong may pagkatao? Talagang walang ganoong mga aktor. Ang sangkatauhan ay blangko pagdating sa kung paano maging isang taong may pagkatao. Hindi lamang ang mga iskriprayter at direktor ang blangko, kundi blangko rin ang mga manonood—walang nakakaunawa kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pagkatao. At kaya, ito ay ginagampanan nang may lubos na kahungkagan sa mga pelikula at palabas sa telebisyon. Halimbawa, kapag ginagampanan ng isang aktor ang isang miyembro ng Partido Komunista na ipinipikit ang kanyang mga mata bago siya mamatay, sinasabi ng mga manonood, “Tiyak na hindi pa siya patay, hindi pa niya nababayaran ang butaw niya sa partido!” Siyanga naman, wala pang isang segundo, iminumulat niya ang kanyang mga mata, at nanginginig siyang kumukuha ng ilang barya mula sa kanyang bulsa, sinasabing, “Ito ang butaw ko sa partido. Hindi ako maaaring magkautang sa Partido. Makakatiyak ang Partido. Pagdating ko sa kabilang buhay, mananatili pa rin akong tapat sa Partido, nang hindi natitinag, maging hanggang kamatayan!” Saka lamang siya namamatay. Ganito ginagampanan ang isang taong may pagkatao sa mga pelikula at palabas sa telebisyon. Sa mata ng mga manonood, ito ay talagang ganap na hungkag. Ang gayong mga tao ay hindi umiiral sa totoong buhay, at napakahirap para sa mga tao na makamit ito. Samakatwid, sadyang hindi nauunawaan ng sangkatauhan kung ano ang tunay na pagkatao, at napakahirap para sa kanila na tukuyin ang pamantayan nito. Masyadong mataas ang itinakdang pamantayan at ito ay lubos na hungkag, o kung hindi naman ay walang kaalam-alam ang mga tao at itinatakda nila ito nang arbitraryo. Ang totoo, ang pagkataong taglay ng isang tunay na tao ay napakasimple. Gaano kasimple? Ito ay isang bagay na abot-kamay mo, isang bagay na kaya mong makamit. Ano ang ibig sabihin ng abot-kamay mo? Ibig sabihin nito ay ito ay napakapraktikal, napakatotoo, napakaobhetibo, hindi hungkag sa anumang paraan. Dahil ito ay napakaobhetibo at napakapraktikal, ang pakiramdam ng mga tao ay napakaordinaryo nito at hindi nararapat na banggitin man lang, at lalong hindi nila nararamdaman na ang mga pagpapamalas na ito ay kung ano ang dapat ipakita ng sangkatauhan. Itinataguyod ng sangkatauhang ito ang mga bagay na dakila, matayog, at kahanga-hanga. Maraming tao ang hindi lamang hindi nagtataglay ng mga pagpapamalas ng tunay na pagkatao, kundi hinahamak pa ang mga ito dahil ang mga pagpapamalas ng normal na pagkatao ay napakapraktikal, napakaordinaryo, napakakaraniwan, at sa halip, hinahangad at sinasamba nila ang kaalaman. Sa ganitong paraan, isang masamang kalakaran ang nabuo sa buong lipunan, isang kalakaran na hinahamak at minamaliit ang mga pagpapamalas ng isang tunay na tao. Maging ang isang taong tunay na may pagkatao ay hindi nararamdaman na ang pag-asal sa ganitong paraan ay pagiging isang tunay na tao o isang taong may pagkatao. Sa kabaligtaran, hinahangad niyang maging ang mga tinatawag na marangal at di-pangkaraniwang tao na itinataguyod ng masasamang kalakaran ng lipunan. Pinapawalang-saysay at tinatakpan nito ang pagkataong diwa na taglay ng ilang taong may pagkatao. Ano ang ibig sabihin dito ng “tinatakpan”? Ibig sabihin nito ay walang sinumang tumuturing sa iyo na isang taong may pagkatao. Ibig sabihin nito, anuman ang gawin mo, ibubukod ka ng iba at mamaliitin ka nila, at sa gitna ng mga tao ay wala kang lugar para gamitin ang iyong mga talento, walang lugar para sa iyo na magsalita, at walang pagkakataon para sa iyo na gamitin ang iyong mga kalakasan. Ang ibig sabihin ng “pinapawalang-saysay” ay na ang iyong normal na pagkatao ay sadyang hindi nararapat banggitin sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Ang pagkakaroon ng pagkatao ay hindi isang bagay na kanilang itinataguyod. Ano ang itinataguyod nila? Itinataguyod nila ang pagpapalugod sa karamihan, ang pagiging taong magaling makisama para sa sariling interes, ang pambobola at pagsipsip, at pagsisinungaling at panlilinlang, ang kakayahang sabihin ang anumang bagay gaano man ito nakakasuya sa tamis o salungat sa kanilang tunay na nararamdaman. Wala kang mararating sa lipunang ito kung magsasabi ka ng katotohanan. Gaano man kabuti ang iyong pagkatao, hindi ito itinataguyod ng lipunang ito, at papawalang-saysay ito. Kung magsasalita ka ng ilang positibo, makatarungan, o patas na bagay, o mga salita ng konsensiya, kung magsasalita ka ng ilang makatwirang bagay habang lumalagay ka sa iyong tamang lugar, ibubukod ka nila, papawalang-saysay ka, at mamaliitin ka. Mayroon pa ngang ilan na kukutyain ka, tutuyain ka, hihiyain ka, at pagkatapos ay titipunin ang lahat ng buktot na puwersa at kapangyarihan para atakihin at itakwil ka, na sa huli ay magpaparamdam sa iyo na wala ka nang mukhang maihaharap, na magiging dahilan para ikaw mismo ang magpawalang-saysay sa iyong sarili. Sa huli ay maiisip mo, “Wala akong silbi, hindi ako makaangkop sa mga kalakaran ng lipunan, ni sa mga taong ito. Hindi ako marunong magbalak ng masama, hindi ko kayang bumalangkas ng mga pakana o panlalansi, kaya napakahirap para sa akin na manatiling buhay sa gitna ng mga taong ito.” Nagsisimula mong maramdaman na labis kang mababa, pakiramdam mo ay hindi mo kayang makisama sa mga taong ito. Ang totoo, hindi mo kayang tanggapin ang kanilang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, ang kanilang mga metodo at paraan ng pagharap sa mga usapin, at ang kanilang paraan ng pananatiling buhay. Matapos mapawalang-saysay ng masamang kalakarang ito at ng masasamang taong ito, pinapawalang-saysay mo ang iyong sariling pagkatao, at pagkatapos ay sinusubukan mo ang lahat ng posibleng paraan para umangkop sa kanila, para sundan sila, para makisama sa lipunan, para makisama sa masasamang taong ito, at para makisama sa masamang kalakarang ito. Sinusubukan mong gayahin kung paano gumagamit ang iba ng mga panlalansi, intriga at pakana, at sinusubukan mo ring gayahin kung paano sila bumibigkas ng mga salita ng pambobola, ng mga salitang nakakasuya sa tamis, at ng mga salitang salungat sa kanilang tunay na mga damdamin. Ngunit gaano mo man subukang gayahin ang mga bagay na ito at gaano man kalaking pagsisikap ang iyong ibuhos, sa kabuuan, nararamdaman mo na hindi ito ang mga salitang gusto mong sabihin o ang mga bagay na gusto mong gawin. Bawat salitang sinasabi mo ay labis na salungat sa iyong tunay na mga damdamin, at bawat bagay na ginagawa mo ay nagdudulot ng panunumbat sa iyong konsensiya; nararamdaman mo na hindi ito ang dapat mong sabihin o gawin. Namumuhay ka nang ganito araw-araw, may suot na maskara. Bagama't sa usapin ng pag-uugali, pananalita, o ilang kaisipan at pananaw ay tila nakisama ka na sa masamang kalakarang ito at sa tiwaling sangkatauhang ito, sa kaibuturan mo, ikaw ay nasasaktan, napipigilan, at puno ng sama ng loob. Matapos magkaroon ng gayong karanasan sa buhay, nagsisimula kang manabik para sa patas at makatarungang pakikitungo, para sa mga positibong bagay, at para sa liwanag. Kaya, anong mga katangian ng pagkatao ang taglay ng gayong tao na nagpapahintulot sa kanya na magkaroon ng gayong mga damdamin at mga karanasan sa gitna ng ibang tao at masasamang kalakaran? Ang totoo, napakasimple nito: Kapag ang isang tao ay nagtataglay ng pagkataong diwa ng konsensiya at katwiran, magkakaroon siya ng gayong mga karanasan kapag namumuhay siya sa gitna ng mga tao.
Ang konsensiya at katwiran ang dalawang pinakapangunahing bagay na dapat taglayin ng mga may pagkatao. Bagama’t paulit-ulit nang natalakay ang dalawang bagay na ito, napakahalaga ng mga ito para sa mga tao at ang mga ito rin ang pinakamahalagang pamantayan sa pagtatasa kung ang klasipikasyon ba ng isang tao ay tao. Ano ba ang partikular na tinutukoy ng konsensiya? Nasabi Ko na dati na ang konsensiya ay isang pakultad na nalilikha sa puso ng isang tao, at na mayroon itong ilang partikular na hinihingi sa mga tao, at pangunahin itong naipapamalas sa mga prinsipyo ng pag-asal at sa mga pinakamabababang pamantayan ng sariling asal. Sa partikular, ang panuntunan ng isang tao sa kanyang pag-asal, ang kanyang mga prinsipyo sa pag-asal at pakikitungo sa mundo, at ang mga pagbubunyag ng kanyang pagkatao ay makakapagpatunay kung mayroon ba siyang konsensiya o wala. Ngayon lang, nang itanong Ko kung ano ang partikular na tinutukoy ng konsensiya, hindi kayo makasagot. Nakatutok lang kayo sa itinuturing ninyong malalalim na katotohanan, ngunit para sa mga katotohanang tulad nito, pakiramdam ninyo ay masyadong hindi mahalaga ang mga ito, masyadong ordinaryo, at masyadong hamak para maging karapat-dapat na banggitin, kaya sadyang hindi ninyo pinapansin ang mga ito at hindi ninyo sineseryoso. Kung ang isang tao ay may konsensiya, nangangahulugan ito na ang kanyang pagkatao ay nagtataglay ng dalawang katangian: Ang isa ay pagiging matuwid, at ang isa naman ay kabaitan. Maaaring hindi mo masabi mula sa panlabas na anyo kung ang isang tao ay mabait o hindi, ngunit kung ang isang tao ay mabait ang puso, malalaman mo sa sandaling makisalamuha ka sa kanya. Ano ang batayan sa pagtatasa kung ang isang tao ba ay matuwid? Ito ay ang kanyang mga prinsipyo sa pag-asal at pakikitungo sa mundo. Kung siya ay mapagkanulo, tuso, lihim na mapanira, marunong sa mundo, at mapagpakana at di-matarok sa kanyang pag-asal at pakikitungo sa mundo, kung gayon, ang taong ito ay tiyak na hindi matuwid. Kung ang kanyang paraan ng pag-asal at pakikitungo sa mundo ay napakasimple, napakadirekta, napakatuwiran, kung siya ay napakaprangkang magsalita sa iba, hindi gumagawa ng balikong bagay o panlilinlang kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao, nagsasalita at kumikilos nang walang kasinungalingan—tinatawag na itim ang itim at puti ang puti, napakalinaw na napag-iiba ang gayong mga bagay—kayang sumunod sa mga positibong bagay, at hindi nakikipagkompromiso sa masasamang puwersa, kung gayon ang taong ito ay labis na matuwid. Kung ang isang tao ay kapwa matuwid at mabait, ang taong ito ay may konsensiya, taglay niya ang pinakamabababang katangian ng pagkatao. Ang isa pang katangian ng pagkatao ay katwiran. Ang katwiran ay isa ring termino at paksang madalas nating tinatalakay, ngunit walang sinuman ang kailanman ay malinaw na nagbigay-kahulugan kung ano ang katwiran. Ano ang nasasaklaw sa loob ng katwiran, at anong uri ng mga pagpapamalas ang bumubuo sa mga pagpapamalas ng pagkakaroon ng katwiran—malinaw ba ito sa inyo? Hindi ito gaanong malinaw sa karamihan ng tao; ang kanilang pagkaunawa sa larangang ito ay medyo malabo pa rin. Kaya, ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng katwiran? Nangangahulugan ito ng kakayahang sabihin kung ano ang dapat sabihin at gawin kung ano ang dapat gawin habang naninindigan sa tamang pananaw; ito ang pagkakaroon ng katwiran. Kung ikaw ay isang taong may pagkatao, ang iyong pananalita at mga kilos ay magiging mahinahon. Malalaman mo kung anong mga salita ang dapat mong sabihin, anong mga bagay ang dapat mong gawin, ano ang dapat mong maging paninindigan sa pagsasabi ng mga salitang ito, at anong paraan ng pananalita ang dapat mong gamitin para ipahayag ang isang partikular na usapin, sa loob ng kasalukuyang kapaligiran at batay sa iyong pagkakakilanlan at katayuan. Magkakaroon ka ng mga pamantayan at pagtitimpi sa iyong puso para sa mga bagay na ito. Ibig sabihin, makakayang kontrolin ng iyong katwiran ang iyong mga salita at pag-uugali, na gagawing angkop ang iyong mga salita at pag-uugali, upang sa panlabas ay makikita ng iba na ang mga ito ay makatwiran at mahinahon, na ang iyong pananalita at mga kilos ay tamang-tama at may kakayahang magpatibay sa mga tao. Lubos man na angkop o hindi sa iyong kakayahan, antas ng edukasyon, o edad ang mga salitang sinasabi mo at ang mga bagay na ginagawa mo, sa pinakamababa, magkakaroon ka ng mga hangganan sa iyong puso, ng isang pamantayang pumipigil sa iyo, na nagtutulot sa iyong magsalita at kumilos sa isang makatwirang kalagayan. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng katwiran. Kahit sino pa ang kaharapin ng isang taong may katwiran—mayaman man o mahirap, o may katayuan man o wala—sa anumang sitwasyon, ang kanyang pananalita at mga kilos ay hindi nalilimitahan ng kung maganda ba o masama ang lagay ng kanyang kalooban, at hindi rin niya isinasaalang-alang kung ang isang usapin ay kapaki-pakinabang sa kanya o hindi; palagi siyang may pagpipigil sa kanyang puso, may isang pamantayan o hangganan na kumokontrol sa kanya. Hindi siya sadyang magpapakalat ng mga baluktot na argumento, ni magiging mapanggulo nang walang katwiran. Kahit pa minsan ay galit siya at labis na nag-aalab ang loob, at ang kanyang pagpili ng mga salita ay hindi gaanong angkop, ang mga bagay na sinasabi niya ay hindi bumubuo ng mga baluktot na argumento o mga maling kaisipan; sa halip, ang mga ito ay katanggap-tanggap at lohikal. Ano ang ibig sabihin ng “lohikal”? Nangangahulugan ito na kahit pa ang sinasabi niya ay hindi naman talaga umaayon sa katotohanan, sa paningin ng karamihan sa mga tao, ang “pangangatwiran” na ito ay lohikal; kinikilala ito ng karamihan bilang isang bagay na wasto, at walang tumututol dito. Ang gayong tao ay isang taong may katwiran.
Ang dalawang aspektong ito, ang konsensiya at katwiran, ay kapwa naipaliwanag na nang malinaw. Ang mga pangunahing pagpapamalas ng pagkakaroon ng pagkatao ay ang dalawang ito: Ang isa ay ang pagkakaroon ng konsensiya, at ang isa naman ay ang pagkakaroon ng katwiran. Sabihin mo sa Akin, ang dalawang aspektong ito ba ay hungkag o hindi? (Hindi.) Hindi ba’t napakatotoo ng mga ito? (Oo.) Napakatotoo ng mga ito, at hindi hungkag. Kung gayon, bakit hindi ito itinataguyod ng sangkatauhan? Dahil ang isang taong may konsensiya ay nagtataglay ng pagiging matuwid at kabaitan, at ang mga taong matuwid at mabait, sa gitna ng masasamang kalakaran at sa gitna ng masama at tiwaling sangkatauhan, ay itinuturing na kasuklam-suklam, at na lubhang hamak, minamaliit ng lahat. Kung ikaw ay isang taong matuwid at mabait, uusisain ka pa nga nila: “Ano ang silbi ng pagiging matuwid at mabait mo? May kaalaman ka ba? May katayuan ka ba sa lipunan? May katanyagan o kapangyarihan ka ba sa lipunan?” Sasabihin mo, “Wala akong katanyagan o kapangyarihan; medyo matuwid at mabait lang akong tao.” Pagtatawanan ka at itatakwil ka ng lahat ng tao. Sa kanilang paningin, ang pagkakaroon mo ng konsensiya, at ang pagiging matuwid at mabait mo ay hindi puhunan—kung walang kaalaman, katayuan at katanyagan, o kapangyarihan, wala kang mararating sa lipunan. Sinasabi nila, “May konsensiya ka, pero magkano ang halaga ng konsensiya? Ano ang magagawa mo? Kaya mo bang gumamit ng intriga at mga pakana, o manlinlang ng mga tao? Kaya mo bang kunin ang loob ng mga tao at bilhin ang kanilang pabor?” Hindi mo kayang gawin ang alinman sa mga ito. Kung nagtataglay ka ng konsensiya, kung nagtataglay ka ng pagiging matuwid at kabaitan—ang dalawang aspektong ito ng pagkatao—kung gayon ay hindi ka magiging interesado sa mga bagay na matatagpuan sa masasamang kalakaran ng lipunan, hindi mo susundin ang mga kalakarang ito, kaya wala kang mararating sa lipunan at itatakwil ka ng mga tao. Bakit ka nila itatakwil? Dahil karamihan sa mga tao ay sinasamba ang masasamang kalakaran, at ang masasamang kalakaran ay naging karaniwan na sa lipunan—kung kikilos ka ayon sa iyong konsensiya at pangangasiwaan mo ang mga bagay-bagay nang walang kinikilingan sa lahat ng usapin, ituturing ka ng iba bilang hindi nababagay at itatakwil ka nila. Kung, sa iglesia, makasasandig ka sa iyong konsensiya at makasusunod sa mga katotohanang prinsipyo sa iyong pananalita at mga kilos, at maglalakas-loob ka na ilantad at himayin ang masasamang tao, ang mga kabilang sa mga diyablo ay mawawalan ng impluwensiya at mabubunyag; ang kanilang mga intriga at pakana, gayundin ang kanilang satanikong kalikasan na namumuhi sa katotohanan, ay lubusang malalantad. Samakatwid, ang mga taong ito na kabilang sa mga diyablo ay partikular na natatakot na magkaroon sa iglesia ng mga taong sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo. Sa tuwing nakikita nila ang sinumang nakakaunawa sa katotohanan, inihihiwalay at sinusupil nila ang mga ito, dahil takot na takot sila na ang mga nakakaunawa sa katotohanan ay titindig para ilantad sila, na hahantong sa kanilang pagkakabunyag at pagkakatiwalag. Sila ay itinutulak ng kanilang satanikong kalikasan na kumilos sa ganitong paraan. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga kabilang sa mga diyablo ay hindi makapaninindigan, dahil mismo sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan, ang Diyos ang may hawak ng kapangyarihan. Ngunit iba sa mundong walang pananampalataya. Dahil ang ateismo at masasamang kalakaran ang nangingibabaw sa mundong ito, ang mga taong may pagkatao ay hindi makahanap ng kanilang katayuan sa gitna ng masasamang kalakaran at sa gitna ng masama at tiwaling sangkatauhan. Samantala, ang mga walang awa sa kanilang mga taktika, lihim na mapanira, at tuso ay kadalasang mga lider, mga natatangi, ang tinatawag na mga nakatataas sa gitna ng mga tao. Ang isang taong may pagkatao, anuman ang kanyang kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, o mga talento, ay inihihiwalay at walang pagkakataong umangat. Hangga’t nagsasalita siya ng ilang patas na salita o nangangasiwa sa mga usapin nang walang kinikilingan, pahihirapan siya ng masasamang tao at mga diyablong iyon. Samakatwid, ang masamang sangkatauhang ito, na kabilang sa mga diyablo, ay binabalewala ang konsensiya; tanging ang mga may pagkatao ang nagtataglay ng konsensiya. Tungkol naman sa katwiran, ang pagpapamalas ng pagkakaroon ng katwiran ay na anuman ang mangyari sa isang tao, kaya niya itong tratuhin nang makatwiran, kaya niyang magsalita at kumilos nang makatarungan, hindi siya kikilos ayon sa kanyang mga damdamin o sa kanyang katanyagan o katayuan, at hindi niya pipilitin o lilimitahan ang iba. Kaya niyang tratuhin ang isang usapin nang makatwiran: Kung ito ay wasto, ito ay wasto; kung ito ay di-wasto, ito ay di-wasto; kung ito ay tama, ito ay tama; kung ito ay mali, ito ay mali. Tinatasa niya ang mga bagay-bagay nang walang kinikilingan at ginagawa ang mga bagay-bagay nang makatarungan, ayon sa mga prinsipyo, at hindi niya nilalampasan ang mga moral na hangganan ng pagkatao. Ito ang pagpapamalas ng pagkakaroon ng katwiran. Ang dalawang bagay na ito, ang konsensiya at katwiran, ay hindi kinikilala sa lipunan, lalo na sa masasamang bansa at sa gitna ng masasamang kalakaran, kung saan lalo pa itong hindi lohikal at hindi mapanghahawakan. Gayumpaman, ang konsensiya at katwiran ay mismong ang dalawang pangunahing katangian na taglay ng normal na pagkatao, at ang mga ito rin ay mga katangiang dapat taglayin ng sangkatauhan. Kapag taglay mo ang dalawang katangiang ito, saka ka lang isang tunay na tao. Kung ikaw ay isang taong may konsensiya at pagkatao, kung gayon sa isang banda, magiging napakamaprinsipyo mo sa iyong pag-asal at magagawa mong tratuhin ang mga tao sa medyo makatarungang paraan. Anuman ang iyong relasyon sa isang tao, o kung nasaktan ka man niya, kaya mo siyang tratuhin nang wasto at tasahin nang obhetibo. Ito ang pagiging matuwid, na isang katangian ng pagkatao. Dagdag pa rito, kung nagtataglay ka ng kabaitan, na isa pang katangian ng pagkatao, magkakaroon ka ng isang partikular na hangganan kapag nakikitungo ka sa mga tao o gumagawa ng mga bagay-bagay, na makakapigil sa iyong magsalita o kumilos laban sa iyong konsensiya. Halimbawa, ang masasamang tao ay palaging nagsasalita ng mga baluktot na salita at naglilitanya ng mga baluktot na argumento, pinagbabaliktad ang itim at puti, at binabaluktot ang mga katotohanan. Nagtatanim sila ng sama ng loob at sumusubok na mag-isip ng bawat paraan upang makahanap ng mga pagkakataong pahirapan at gantihan ang sinumang nakakapinsala sa kanila o sinumang nakasakit o pumuntirya sa kanila. Ngunit para sa isang taong may pagkatao, dahil nagtataglay siya ng pagiging matuwid at kabaitan, na bahagi ng konsensiya, kahit pa may isang taong nanakit o nandaya sa kanya, at gusto niyang bumawi at maghiganti, at maaaring magsabi siya ng isang bagay na masakit tulad ng, “Galit na galit ako sa kanila!” sa mga sandali ng pagiging mainitin ng ulo, kapag nabigyan ng isang tunay na pagkakataon para sa paghihiganti, lumalambot ang kanyang puso, at siya ay sumusuko; hindi niya kayang gawin ito, hindi ito maatim ng kanyang kalooban. At pagtagal-tagal, hindi na niya kayang damhin ang pagkamuhing iyon. Ganito ang isang taong mabait. Kung may isang taong nanloko o nanakit sa iyo, at mayroon kang pagkakataon para sa paghihiganti, isang pagkakataong makita ang iyong kaaway na magdusa ng kaparusahan at ganti, magagawa mo bang kumilos at gumawa ng mga bagay upang gantihan siya? Kapag nakakaramdam ka ng galit, maaaring masabi mo, “Tiyak na gagantihan ko siya! Siya ay ubod ng sama at walang awa!” Ngunit kapag dumating talaga ang isang pagkakataon para sa paghihiganti, hindi mo kayang gawin ito. Sasabihin mo, “Hindi bale na, matagal na iyon. Hanggang doon na lang iyon.” Hindi mo ito hahangarin nang walang katapusan, at hindi mo rin igigiit na makita ang iyong kaaway na magdusa ng kaparusahan o ng kung anong masamang wakas. Hindi ka mamumuhay nang palaging may pagkamuhi sa iyong puso; pagtagal-tagal, mawawala ang pagkamuhi. Ito ang pagpapamalas ng pagkakaroon ng mabait na puso. Ang kabaitan ay isang katangiang pagpapamalas ng isang taong may konsensiya, at isa ring katangian ng pagkakaroon ng klasipikasyon bilang isang tao. Siyempre, sa paningin ng ilan, ang kabaitan ay isang kahinaan. Maaaring isipin pa nga ng ilang walang pananampalataya na ikaw ay walang gulugod at udyukan ka pa, sabihing, “Kailangan mong maging walang awa at manhid ang puso. Kapag dumating ang isang pagkakataon para sa paghihiganti, dapat ay ngipin sa ngipin, ikaw mismo ang sumupil sa kanila, at patayin mo ang iyong kaaway gamit ang iyong sariling mga kamay.” Ngunit pinagbubulayan mo, “Kung papatayin ko ang aking kaaway gamit ang aking sariling mga kamay, hindi ba’t gagawa ako ng masama? Ang kanilang pamumuhay ay hindi nakakaapekto sa akin; may isang bagay lang silang ginawa na sumobra na at nakasakit sa akin, ngunit iyon ay nakaraan na.” Sa paglipas ng panahon, matutuklasan mo na hindi mo na sila kinamumuhian. Sinasabi ng ilang tao na ikaw ay masyadong duwag, hindi sapat ang pagiging walang awa. Ikaw mismo ay nagtataka rin dito: “Bakit hindi ko magawang maging walang awa? Bakit palagi akong maluwag sa aking mga kaaway at hindi ko kayang magtanim ng sama ng loob?” Sa paningin ng ilan, ang pagkakaroon ng mabait na puso ay isang kahinaan ng pagkatao. Ngunit sa realidad, ito ay isang katangian ng pagkatao, tama ba? (Oo.)
Hindi na natin idedetalye pa nang husto ang tungkol sa konsensiya at katwiran, ang dalawang mahalagang sangkap na iyon ng mga katangian ng pagkatao. Pag-usapan natin ang dalawang iba pa, na pinakapartikular na mga aspekto na pinakamadaling nakakaligtaan o hindi kailanman namamalayan ng mga tao. Kung sasabihin lang natin na ang isang tao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng pagkatao, ito ay tila medyo pangkalahatan sa mga tao, at magiging napakahirap na tukuyin kung anong mga bagay ang nagawa ng isang tao o anong mga pagpapamalas ang mayroon siya na nagpapakitang tunay siyang may konsensiya at katwiran, at mahirap tasahin kung tunay ba siyang may normal na pagkatao. Samakatwid, hindi tayo magbabahaginan mula sa pananaw ng mga partikular na pagpapamalas ng konsensiya at katwiran, kundi mula sa dalawang iba pang aspekto. Ibig sabihin, kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkataong diwa, kung gayon, sa isang banda, kaya niyang makilatis ang tama sa mali, at bukod pa rito, alam din niya kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Kung taglay ba ng isang tao ang dalawang aspektong ito ay sapat na para ipakita kung taglay ba niya ang konsensiya at katwiran. Ito ay isang mas partikular na paraan upang himayin kung ang pagkatao ng isang tao ay nagtataglay ba ng konsensiya at katwiran. Kapag taglay ng isang tao ang dalawang aspektong ito—ang pagkilatis ng tama sa mali at pagkaalam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto—saka lang nito tunay na naipapakita na taglay niya ang konsensiya at katwiran ng pagkatao. Kung hindi niya taglay ang dalawang aspektong ito, ang kanyang pagsasabi na mayroon siyang konsensiya at katwiran ay hindi totoo at hindi naaayon sa mga katunayan. Tingnan muna natin ang kakayahang makilatis ang tama sa mali. Ang “makilatis” ay nangangahulugang maunawaan, malaman, mamalayan, at maarok. Ano ang ibig sabihin ng “tama at mali”? Ang tama at mali ay tumutukoy sa mga positibong bagay at mga negatibong bagay. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng malaman kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto? Halimbawa, “Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Wasto.) “Ang sangkatauhan ay nag-evolve mula sa mga unggoy.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Di-wasto.) Kung kaya mong makilatis at mahusgahan kung aling mga pananaw ang wasto at kung alin ang di-wasto, ito ang pagkaalam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Sinasabi ng mga diyablo, “Ang sangkatauhan ay nag-evolve mula sa mga unggoy.” Pagkatapos itong marinig, sinasabi mo, “Hindi iyan wasto. Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos.” Kung gayon sa usaping ito, hindi magulo ang isip mo, at alam mo kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Kung gayon, may pagkakaiba ba sa pagitan ng wasto at di-wasto, at ng tama at mali? (Mayroon.) “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng buong sangkatauhan.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Wasto.) “Kinokontrol ng sangkatauhan ang sarili nitong tadhana.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Di-wasto.) “Kung gaano katagal mabubuhay ang isang tao ay nakasalalay sa kung paano niya inaalagaan ang kanyang sarili at kung paano siya nananatiling malusog.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Di-wasto.) “Ang haba ng buhay ng isang tao ay inorden ng Diyos.” Wasto o di-wasto? (Wasto.) Ngayon alam mo na kung ano ang ibig sabihin ng malaman kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto, hindi ba? (Oo.) Tingnan naman natin ang pagkilatis ng tama sa mali. Ano nga ulit ang kasasabi lang nating tinutukoy ng “tama at mali”? (Mga positibong bagay at mga negatibong bagay.) Halimbawa, ang pagiging isang matapat na tao—ito ba ay isang positibong bagay o isang negatibong bagay? (Isang positibong bagay.) Paano naman ang “Pera ang nagpapaikot sa mundo”? (Iyan ay isang negatibong bagay.) Sino ang makakapagbigay ng isa pang halimbawa? (Ganap na likas at may katwiran para sa mga tao na sambahin ang Diyos. Ito ay isang positibong bagay.) Kung gayon, paano naman ang pagsusunog ng insenso at pagsamba kay Buddha? (Iyan ay isang negatibong bagay.) Ang paghahanap sa katotohanan sa paggawa ng mga bagay-bagay. (Iyan ay isang positibong bagay.) Ang pagsunod sa sariling kalooban at paggawa ng mga sariling desisyon sa anumang ginagawa. (Iyan ay isang negatibong bagay.) Alam mo kung aling mga bagay ang positibo at kung alin ang negatibo, at kaya mo ring husgahan kung aling mga pananaw ang wasto at kung alin ang di-wasto—ito ang tinatawag na kakayahang makilatis ang tama sa mali at malaman kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Ang pagkakaroon ng ganitong kabatiran at pagkaunawa, at pagkakaroon ng kakayahang makilatis ang mga bagay na ito sa iyong puso—ipinapahiwatig nito na ikaw ay isang taong may pagkatao. Ang kakayahang makilatis ang tama sa mali at malaman kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto ay nangangahulugan na sa loob ng pagkatao ng isang tao, mayroong isang likas na kakayahang tukuyin ang ilang positibo at negatibong bagay. Dagdag pa rito, mayroon ding kaunting kamalayan at pakiramdam sa kanyang puso tungkol sa kung ang ilang bagay ay wasto ba o hindi. Kahit hindi pa naririnig ang katotohanan o hindi pa nauunawaan ang katotohanan, taglay ng kanyang pagkatao ang ganitong uri ng pagkilatis. Kahit pa hindi niya ito maipahayag nang malinaw, alam niya sa kanyang puso kung aling mga bagay ang positibo at kung alin ang negatibo, at alam niya na ang mga negatibong bagay ay di-wasto. Kung mayroon din siyang pagkaramdam ng pagkasuklam sa kanyang puso at kaya niyang tanggihan at hindi sundin ang mga bagay na ito, lalo nang mas mabuti iyon. Kapag hindi niya nauunawaan ang katotohanan, kahit pa hindi niya kayang makilatis nang napakalinaw ang mga positibo at negatibong bagay, mayroon siyang magkakaibang damdamin at magkakaibang paraan ng pagtrato sa mga positibo at negatibong bagay sa kanyang puso. Halimbawa, tungkol sa ilang masamang kalakaran sa lipunan, kapag nakikita ng mga taong may pagkatao ang masasamang kalakarang ito, nakakaramdam sila ng matinding pagkasuklam sa kanilang puso. Pakiramdam nila, ang mga bagay na ito ay hindi ang tamang landas, hindi mga positibong bagay, at hindi mga bagay na dapat hangarin o gawin ng mga tao. Sa kabila ng katunayan na, bilang isang taong namumuhay sa ganitong kapaligirang panlipunan, ay wala silang pagpipilian kundi ang sundin ang masasamang kalakaran, sa kaibuturan ay kinasusuklaman nila ang mga ito. At habang kinasusuklaman ang mga ito, naghahanap din sila ng bawat pagkakataon upang makatakas sa kapaligirang ito o nag-iisip sila ng bawat paraan upang iwasan ito at tanggihan ang masasamang kalakarang ito.
Ang pagkilatis ng tama sa mali ay napakahalaga para sa isang tao. Dahil ang tama at mali ay kinabibilangan ng mga positibong bagay at mga negatibong bagay, ano sa tingin ninyo ang ilang positibong bagay, at ano ang ilang negatibong bagay? (Ang pananampalataya sa Diyos, pagsunod sa Diyos, pagsamba sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, pati na ang paggawa ng tungkulin ng isang tao at pagiging isang matapat na tao—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Ang pagsisinungaling at panlilinlang, paglaban sa Diyos, paghihimagsik laban sa Diyos, pagkakanulo sa Diyos—ang mga ito ay mga negatibong bagay.) (Ang mga positibong bagay ay pangunahing nagmumula sa Diyos at naaayon sa katotohanan. Halimbawa, ang iba’t ibang resultang nakakamit sa pamamagitan ng gawain ng Diyos, pati na ang tunay na kaalaman ng mga tao tungkol sa disposisyon at diwa ng Diyos, ay pawang mga positibong bagay at lahat ay naaayon sa katotohanan.) Huwag ninyong isipin na ang mga positibong bagay ay napakahungkag o napakatayog. Ang totoo, ang mga positibong bagay ay iba’t ibang positibo at tamang mga tao, pangyayari, at bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Anumang bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao, anumang bagay na kapaki-pakinabang at hindi nakakapinsala sa kanilang normal na buhay, ay isang positibong bagay. Halimbawa, ang mga likas na tuntunin at batas ba ay mga positibong bagay? (Oo.) Ang mga salita ng Diyos ay pawang katotohanan at pawang mga positibong bagay; anumang bagay na kinabibilangan ng katotohanan ay isang positibong bagay. Ang pagtutustos ng Diyos sa sangkatauhan ng buhay at katotohanan, pati na ang nilalaman ng gawain ng Diyos ng pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan, ay mga positibong bagay na may kaugnayan sa katotohanan. Lahat ng hinihingi ng Diyos sa mga tao, bawat salita ng Diyos, ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa iba’t ibang katotohanan—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Bukod sa gawain ng Diyos ng pamamahala sa sangkatauhan, marami pang ibang positibong bagay na kapaki-pakinabang sa pananatiling buhay ng tao at hindi nakakapinsala sa mga tao. Nakikita ba ninyo ang mga ito? Natutukoy ba ninyo ang mga ito? Natatanggap at nasasang-ayunan ba ninyo ang mga ito mula sa kaibuturan ng inyong mga puso? Nakakasabay, nakakaangkop, at nakakasunod ba kayo sa mga ito? Halimbawa, ang mga batas ba ng apat na panahon ay mga positibong bagay? (Oo.) Sa tagsibol, umiinit ang panahon at namumukadkad ang mga bulaklak, lahat ng bagay ay tumutubo at muling nabubuhay, natutunaw ang yelo at niyebe. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Sa tag-araw, maningning na sumisikat ang araw, nakakapaso ang mga sinag nito, at lahat ng bagay ay mabilis na lumalago, nagpapasasa sa sikat ng araw. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Sa taglagas, ang nakakapasong init ay unti-unting napapalitan ng maaliwalas na kalangitan at preskong hangin; ang iba’t ibang halaman ay unti-unting lumalago, nagbubunga ng mga buto at prutas, nagbibigay ng ani. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Sa taglamig, bumababa ang temperatura, unti-unting lumalamig ang panahon, at kung minsan ay umuulan ng niyebe. Bagama’t hindi ito kasingkasiya-siya, komportable, o malaya gaya ng ibang mga panahon, sa taglamig, napapanatili ng lahat ng bagay ang kanilang enerhiya, at ang sangkatauhan ay nagpapahinga rin at nagpapalakas. Kung gayon, ang batas bang ito ay isang positibong bagay? (Oo.) Sa pagsikat ng araw, umaawit ang mga lagsing, humuhuni ang mga ibon sa umaga, na nagpapaalala sa mga tao na umaga na at oras nang bumangon, na dapat na silang magsimulang magtrabaho para sa buhay, para sa kabuhayan, at para sa patuloy na pag-iral ng sangkatauhan. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Bumabangon ang sangkatauhan sa mga huni ng mga ibon sa umaga at ng mga lagsing at sinisimulan ang pagtatrabaho sa maghapon. Isa itong positibong bagay. Sa gabi, ang iba’t ibang insekto at nilalang, alinsunod sa kanilang sariling mga batas, ay nagsasagawa ng lahat ng uri ng aktibidad—ang ilan ay lumalabas para maghanap ng pagkain at ang iba ay nagsisimulang humuni. Sa oras na ito, tumatahimik ang sangkatauhan at nakakatulog. Habang pinakikinggan ang huni ng mga kuliglig, na sinasabayan ng mga huni ng iba’t ibang nilalang at ng kanilang mga panggabing aktibidad, pumapasok ang mga tao sa mundo ng panaginip, natutulog nang napakasarap, napakahimbing, at napakapayapa. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Para sa mga tao, ang mga positibong bagay na ito ay pawang mga bagay na madalas na nangyayari. Natatanggap mo ang iba’t ibang tanda at hudyat ng mga ito, at nararamdaman mo rin ang mga pakinabang na idinudulot ng mga ito sa iyong buhay, pati na ang iba’t ibang pagbabago at impluwensiyang idinudulot ng mga ito sa iyo habang namumuhay ka. Kung mayroon kang tamang pagtugon at tamang pag-arok sa pag-iral ng iba’t ibang positibong bagay sa paligid mo, pati na rin ng tamang paraan para tratuhin ang mga positibong bagay na ito, ipinapakita nito na isa kang taong may kaunting pagkaunawa sa tama at mali, na ikaw ay matugunin, sensitibo, at may pandama sa kapaligirang binubuo ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at na mayroon kang pusong mapagpasalamat para sa impluwensiya ng lahat ng bagay na ito sa paligid mo o sa pagsama ng mga ito sa iyong buhay. Ipinapakita nito na nararamdaman mo na ang pag-iral ng Diyos at ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha ay hindi maikakailang totoo, at nararamdaman mo ang mga pakinabang ng lahat ng bagay sa iyo at ang impluwensiya ng mga ito sa iyo sa iba’t ibang aspekto. Kung makakamit mo ang gayong mga mensahe at magkakaroon ka ng ganitong mga damdamin, kung gayon, isa kang tao na nakakaunawa sa tama at mali at nagtataglay ng pagkatao. Naaarok mo nang tama ang mga positibong bagay, nakakaangkop ka sa mga ito, nakakaayon sa mga ito, at umiiral kasama ng mga ito. At hindi lang sa hindi ka nasusuklam sa mga bagay na ito; sa halip, dahil nananampalataya ka sa Diyos at nauunawaan mo ang ilang katotohanan, lalo ka pang nakukumbinsi na lahat ng positibong bagay na ito ay nagmumula sa Diyos, mula sa Lumikha, at mas nagpapasalamat ka para sa pag-iral ng mga positibong bagay na ito. Kaakibat nito, nakakaramdam ka ng pagkasuklam at pagkapoot sa iyong puso para sa mga negatibong bagay. Kaya, ano ang ilang negatibong bagay? (Pagpaparumi sa kapaligiran, labis na pagkuha.) Ang pagsira at pagpaparumi sa kapaligiran, walang-pakundangang pagpuputol ng puno, labis na pagkuha at pagsasamantala—lahat ng ito ay mga negatibong bagay. Bukod sa mga ito, ano pang ibang mga bagay ang sa tingin ninyo ay negatibo, at may malinaw na pagkapoot kayo para sa mga ito sa inyong mga puso? Palaging gustong lupigin ng sangkatauhan ang kalikasan—isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Halimbawa, madalas na nakakaranas ng mga buhawi ang ilang lugar, kaya palaging nagbubulay-bulay ang ilang tao, “Nagpapalipad ng alikabok kung saan-saan ang mga buhawing ito, na sumisira sa mga bahay at bukirin. Kailangan nating subukan ang lahat ng ating magagawa para magtayo ng pader para harangan ang mga ito, para ipakita na ang teknolohiya ng tao ay maunlad na at na lumakas na ang mga kakayahan ng tao.” Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Ano ang nararamdaman ninyo sa inyong mga puso pagkatapos itong marinig? (Pakiramdam ko ay masyadong mataas ang tingin ng mga tao sa sarili nilang mga kakayahan.) Iyan na nga mismo iyon. Ang ilang lugar ay nababalot ng malalawak na damuhan, kaya sinasabi ng ilang tao, “Namumuhay ang mga pastol nang pagala-gala sa mga damuhan, at halos hindi sila nakakakain ng masasarap na pagkain sa buong taon. Sa kalahati ng taon, palagi silang nasa labas, nag-aalaga ng mga baka at tupa sa mga damuhan. Kailan matatapos ang mahihirap na araw na ito? Dapat tayong humanap ng mga paraan para mapabuti ang buhay ng mga pastol, gawing mga gusali at lungsod ang mga damuhan at pastulan, para hindi na kailanganin ng mga pastol na manatiling buhay sa pamamagitan ng pag-aalaga ng hayop. Sa gayon, magtatamasa sila ng mas mabuting buhay, at magpapasalamat sila sa bansa at sa gobyerno.” Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Nararamdaman ba ninyo na ang paggawa nito ay isang negatibong bagay? Ang paggawa sa mga damuhan na maging mga gusali at lungsod—isa itong maling pag-iisip at pananaw; labis na baligho ang pagsasagawang ito! Hindi ninyo makilatis ang usaping ito, hindi ba? Iniisip ninyo, “Usapin ito ng gobyerno, wala tayong magagawa tungkol dito,” at wala kayong nararamdaman tungkol dito. Gayundin, palaging gumagawa ng mga pagsulong ang sangkatauhan sa paggalugad sa kalawakan, palaging gustong pumunta sa buwan, siyasatin ang Mars at Jupiter. Gusto pa nga nilang galugarin ang araw, pero dahil masyadong mataas ang temperatura ng araw, hindi sila makapunta roon. Kaya, gumagawa sila ng mga sasakyang pangkalawakan para mapangibabawan ang gravity ng Mundo at makalipad patungo sa buwan at Mars. Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Isa itong negatibong bagay. Kaya, mayroon bang anumang positibong bagay na kinasasangkutan ng agham? Mayroon bang anumang pahayag na positibo at naaayon sa mga batas ng kalikasan ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos? (Ang ilang kagamitang inimbento at ginawa sa pamamagitan ng mga siyentipikong paraan, tulad ng mga computer, ay nakapagpapabuti sa pagiging episyente ng ating trabaho. Ang mga ito ay mga positibong bagay.) Ang mga ito ay hindi positibo at hindi rin negatibo. Mga kagamitan lang ang mga iyon. Hindi sangkot sa mga ito ang isang partikular na pag-iisip, teorya, o argumento. Ang mga positibo at negatibong bagay na tinatalakay natin ay kinabibilangan ng diwa at mga saligan ng mga bagay, at pati na rin ng mga motibo sa likod ng iba’t ibang proyekto ng siyentipikong pananaliksik na isinasagawa ng sangkatauhan. Batay sa mga ito, tinutukoy natin kung ang isang bagay ay positibo o negatibo. Kaya, ano pang ibang mga negatibong bagay ang mayroon? (Sa kasalukuyan, hindi sinusunod ng sangkatauhan ang mga batas ng paglago ng lahat ng bagay kundi gumagamit ng mga siyentipikong paraan para baguhin ang mga batas na ito. Halimbawa, ang mga manok ay pinapakain ng pagkaing may mga hormone at maaari nang maibenta sa loob ng tatlumpung araw, at ang mga gulay at prutas na wala sa panahon ay itinatanim. Tila umunlad na ang agham at teknolohiya, pero lumalabag ito sa mga batas ng paglago ng lahat ng bagay at ito ay para bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng mga tao sa pagkain. Isa itong negatibong bagay.) Isa itong negatibong bagay. May ilang taong gustong paamuin ang mga tigre at leon. Nakikita nila na mukhang mabagsik ang mga tigre—kahit ang paghikab lang ng isang tigre ay nakakatakot na sa mga tao—kaya gusto nila itong paamuin, at pagkatapos ay bunutin ang mga pangil nito at alagaan sa kanilang mga bakuran, gawing mga bantay ng kanilang mga bahay ang mga tigre na parang mga aso. Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Isa itong negatibong bagay. Lahat ng ginagawa ng mga tao at ang iba’t ibang bagay na iniimbento nila sa paghahangad ng makalamang kasiyahan gamit ang iba’t ibang siyentipikong paraan at labag sa mga batas ng kalikasan ay pawang mga negatibong bagay, hindi mga positibong bagay, dahil napakalaki ng pinsala ng mga ito sa sangkatauhan, at napakatindi ng pinsala ng mga ito sa tinitirhang kapaligiran ng tao. Halimbawa, ang ilang lugar ay sobrang tuyo, kaya gumagamit ang gobyerno ng mga eroplano para magpakalat ng mga cloud seeding agent para magdulot ng ulan. Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Ang ilang lugar ay sobrang inuulan, na nagdudulot ng mga baha, kaya nagpapadala ang gobyerno ng mga eroplano para pawiin ang mga ulap upang makontrol ang ulan. Hindi ba’t nilalabag at sinisira nito ang mga batas ng kalikasan? (Oo.) Ang pagsira sa mga batas ng kalikasan, paglabag sa mga batas ng kalikasan, hindi pag-ayon sa mga batas ng kalikasan, paggawa ng anumang naisin, pagpapakitang-gilas ng makabagong teknolohiya ng tao—ang mga ito ay mga negatibong bagay. Bukod sa mga ito, ano pang ibang mga negatibong bagay ang mayroon? Ang pagsasagawa ba ng pananaliksik sa mga biyolohikal na ahente at genetic modification ay isang positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Dahil sa siyentipikong pananaliksik sa henetika na isinagawa, mas marami nang makakain na mga pagkaing genetically modified ang mga tao. Kaya, ang mga pagkaing genetically modified ba ay mga positibo o negatibong bagay? (Mga negatibong bagay.) Bakit ninyo sinasabing negatibo ang mga ito? Sinasabi ng ilang tao, “Isa itong siyentipikong tagumpay, na naglalayong tulutan ang mas maraming tao na magkaroon ng sapat na makakain at hindi magutom. Bukod dito, ilang dekada nang kumakain ng mga pagkaing genetically modified ang mga tao, at tumatangkad at nagiging matipuno—ang mga kabataan ngayon, sa partikular, ay mas matatangkad kaysa sa naunang henerasyon. Lahat ng ito ay dahil sa mga ambag ng agham sa sangkatauhan. Kung ang mga pagkaing genetically modified ay nagdudulot ng gayon kalaking pakinabang sa mga tao, bakit sinasabing mga negatibong bagay ang mga ito?” Maipapaliwanag ba ninyo ito? (Bagama’t mas matatangkad ang mga tao ngayon, humihina naman ang kanilang pangangatawan, at nagkakaroon sila ng mas maraming sakit—lahat ng ito ay dahil sa pagkain ng mga tao ng mga pagkaing iyon na dumaan sa siyentipikong proseso. Kaya, ang mga ito ay mga negatibong bagay.) Sa panlabas, tila nakikinabang ang mga tao sa mga pagkaing genetically modified—mas matatangkad at mas matitipuno ang mga tao—pero humina naman ang kanilang mga pangangatawan. Sa pangkalahatan, mayroong negatibong epekto sa mga tao ang mga ito, na nakakapinsala sa halip na makatulong sa kanila. Itinuturing man ng mga tao ang mga ito bilang kapaki-pakinabang o nakakapinsala, ang mga ito ay mga negatibong bagay, talagang hindi mga positibong bagay, dahil nilalabag ng mga ito ang mga batas ng kalikasan na nilikha ng Diyos, at salungat ang mga ito sa mga tungkuling dapat sanang gampanan sa katawan ng tao ng iba’t ibang orihinal na bagay na may buhay na nilikha ng Diyos. Maaaring hindi maramdaman sa simula ang epekto ng mga ito sa mga tao, pero pagkalipas ng dalawampung taon, nagiging malinaw ang masasamang kahihinatnan: Maraming tao ang nagkakaroon ng lahat ng uri ng kakaibang sakit, at naaapektuhan pa nga ang kanilang kakayahang magkaanak. Sapat na ito para patunayan na ang gayong mga pagkain ay hindi mga positibong bagay. Bagama’t mula sa perspektiba ng tao, ang pagkaing genetically modified ay isang produkto ng teknolohiya, isang ambag ng agham sa sangkatauhan, mula sa perspektiba ng mga positibo at negatibong bagay, ito ay talagang hindi isang positibong bagay.
Palaging sinusubukang saliksikin ng sangkatauhan ang buwan at tuklasin kung may iba pang mga planeta na angkop para sa paninirahan ng tao. Ang siyentipikong pananaliksik na ito, ang pananaw na ito, ay isa bang positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Bakit ito isang negatibong bagay? (Nilikha ng Diyos ang mga tao para manirahan sa Mundo; hindi Niya kailanman nilayon na manirahan tayo sa ibang mga planeta. Palaging ambisyoso ang mga tao at gustong pumunta kung saan-saan. Sa huli, sayang lang ang pagod, at hindi sila makapunta kahit saan.) Mula sa perspektiba ng mga tao, normal lang na saliksikin ang mga bagay na ito; lumilikha ito ng mga kondisyon ng pamumuhay para sa kinabukasan ng sangkatauhan, na isang mabuting bagay. Marami sa mga tungkuling itinatag ng Diyos sa Mundo ang nasira na; madalas na nangyayari ang iba’t ibang sakuna, nasira na ang kapaligiran ng pamumuhay sa Mundo, lubhang marumi na ang hangin, tubig, at lupa, at lahat ng uri ng mga nilalang na may buhay ay nanganganib nang maubos. Naging mahirap nang manirahan sa Mundo. Kaya naman, sinimulan nang saliksikin ng ilang institusyon ng siyentipikong pananaliksik ang ibang mga planeta, sa pag-asang makakapunta ang sangkatauhan sa ibang mga planeta at makakapanirahan doon. Naniniwala sila na, para manatiling buhay ang mga inapo ng sangkatauhan, kailangang maghanda nang maaga ang mga tao—kung hindi sila maghahanda ngayon at hindi na mabubuhay ang sangkatauhan sa Mundo sa hinaharap, hindi ba’t mawawalan ng matatakasan ang lahi ng tao? Kaya, ang pananaw bang ito, ang siyentipikong pananaliksik na ito, ay isa bang negatibo o positibong bagay sa huli? (Isang negatibong bagay.) Sa anong batayan ninyo sinasabing isa itong negatibong bagay? (Sa batayan na hindi lang talaga naghanda ang Diyos ng mga kondisyong angkop para tirhan ng mga tao ang ibang mga planeta. Bukod pa sa ibang mga planeta, kahit ang napakainit at napakalamig na mga lugar sa Mundo ay hindi angkop para sa paninirahan ng tao. Pero palaging ambisyoso ang mga tao, palaging gustong kumawala mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa mga pamamatnugot ng Diyos, gustong manirahan sa ibang mga planeta—labag ito sa mga pagsasaayos at pag-orden ng Diyos. Samakatwid, isa itong negatibong bagay.) Nilikha ng Diyos ang Mundo—isang napakagandang kapaligiran sa pamumuhay—para sa mga tao, pero hindi ito pinamamahalaan nang maayos ng mga tao. Palagi silang nagpapaunlad ng agham at modernong industriya, at dahil dito, sinira nila ang ekolohikal na kapaligiran ng Mundo at pinarumi ang hangin, tubig, at maging ang lupa. Wala nang makuhang mga organikong butil at gulay ang mga tao, at nagkakaroon sila ng lahat ng uri ng sakit. Naging mahirap nang manatiling buhay sa Mundo, at ngayon ay iniisip nilang pumunta sa ibang mga planeta, nang hindi isinasaalang-alang kung kaya man lang bang pumunta roon ng kanilang mortal na laman. Ang mga tao, ang mga nilalang na ito na may mortal na laman, ay angkop lamang na manirahan sa Mundo, at sa Mundo lamang nila ito magagawa. Ito ang pag-orden ng Diyos. Saan pa nga ba makakapunta ang mga tao sa pamamagitan lang ng pag-asa sa kanilang iba’t ibang likas na kondisyon? Kayang ikampay ng mga ibon ang kanilang mga pakpak at lumipad nang libo-libong metro ang taas, pero hindi kayang lumipad ng mga tao nang sila mismo; kailangan nila ang tulong ng mga eroplano. Subalit ang paglipad sa mga eroplano ay mapanganib kung minsan. Samakatwid, ang mga tao ay pinakaangkop na manirahan sa Mundo. Ang mga pisikal na katangian ng mga tao ay kaayon ng lupa ng Mundo, at ng lahat ng aspekto ng mga kondisyon ng pamumuhay sa Mundo, tulad ng lahat ng bagay, ng apat na panahon, at ng mga batas ng kalikasan. Samakatwid, ang sangkatauhan ay matatawag lamang na mga Taga-Mundo. Ang mga batas na ito ng ikabubuhay ng tao at ang mga kondisyong ito ng pamumuhay ay paunang inorden para sa mga tao noong nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Samakatwid, ang sangkatauhan ay angkop lamang na mabuhay sa Mundo, hindi na manirahan sa ibang mga planeta. Sinira at pininsala na ng sangkatauhan ang Mundo hanggang sa punto na hindi na ito matitirhan, at gusto na lang nilang umalis at matapos na ito, palaging naghahangad na manirahan sa ibang mga planeta. Isa itong walang-saysay na pagsisikap. Ang pagsasagawang ito ay hindi naaayon sa mga batas ng kalikasan na inorden ng Diyos para sa mga Taga-Mundo; sa halip, nilalabag nito ang mga batas ng pisikal na pananatiling buhay para sa mga Taga-Mundo at isa itong napakahangal na pagsasagawa. Kaya, isa itong negatibong bagay. Kahit pa may ilang planeta na may hangin, at makakapunta roon ang mga Taga-Mundo para magtingin-tingin, hindi ibig sabihin nito na mabubuhay ang sangkatauhan sa mga planetang iyon. Maging sa Mundo, maaari kang pumunta sa South Pole o sa North Pole para magtingin-tingin, maaari kang tumuntong doon, pero kung maninirahan ka roon nang maraming taon, makakaya mo ba? Mayroon ding ilang medyo mainit na lugar kung saan mahigit animnapung digri Celsius sa buong taon; hindi rin angkop ang mga iyon para sa pananatiling buhay ng tao. Hindi angkop ang mga tao para sa pangmatagalang pananatiling buhay sa iilang lugar sa Mundo dahil sa mga espesyal na heograpikal na kapaligiran, lalo na ang manirahan sa ibang mga planeta. Hindi iyon bahagi ng mga pagsasaayos ng Diyos. Batay sa mga katangian ng laman ng tao, ang sangkatauhang ito ay angkop lamang na manirahan sa Mundo; ito ay may matibay na batayan. Ang layunin ng paglikha ng Diyos sa Mundo ay para magsaayos ng isang angkop na kapaligiran ng pamumuhay para sa sangkatauhan. Kung gusto mong takasan ang gayong kapaligiran at humanap ng ibang malalabasan, hahantong lang iyan sa pagkawasak. Samakatwid, isa itong negatibong bagay. Kung alam mo na ang palaging pagsasaliksik sa paninirahan sa ibang mga planeta ay isang negatibong bagay, pero sa puso mo ay sinasang-ayunan mo pa rin ang pagsasagawa ng sangkatauhan ng siyentipikong pananaliksik para humanap ng paraan para manirahan sa ibang mga planeta, kung gayon, pinapatunayan nito na may problema sa iyong pagkatao, na hindi mo nauunawaan ang tama at mali, at na hindi mo makilatis ang wasto sa di-wasto. Kung malinaw mong alam na ang landas na ito ay hindi praktikal, subalit hinahangad at inaasahan mo pa ring makapanirahan sa ibang mga planeta sa susunod na kapanahunan, kung gayon, hindi ka isang normal na tao—isa kang kakatwang tao.
Ang isang taong nakakaunawa sa tama at mali, sa isang banda, ay kayang mahalin at tanggapin ang mga positibong bagay at magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa mga ito. Dagdag pa rito, kaya niyang makilatis ang mga negatibong bagay, at dahil mayroon siyang pagkatao at katwiran, nakakaramdam siya ng pagtutol at poot sa kanyang puso para sa mga negatibong bagay. Siyempre, kaya rin niyang kasuklaman, punahin, at tanggihan ang mga ito batay sa pagkaunawa sa ilang katotohanan. Kung hindi mo ito magawa, hindi ka isang tao na nakakaunawa sa tama at mali. Maaari ding sabihin na nagkukulang ka pagdating sa pagkatao. Kung wala kang abilidad na makilatis ang tama sa mali sa iyong pagkatao, wala sa iyong pagkatao ang isang napakahalagang kondisyon, ang isang napakahalagang kasangkapan. Ibig sabihin nito, wala kang normal na pagkatao, at hindi ka matatawag na isang tunay na tao. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga halimbawang ibinigay kanina ay kinabibilangan ng ilang bagay na may kaugnayan sa mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao at kinabibilangan din ng agham. Kung ang mga bagay na iyon ay mga negatibong bagay at kailangan nating kilatisin ang mga ito, kung gayon, dapat ba nating tanggihan ang mga ito?” Hindi iyan kailangan. Ang pagkilatis ng tama sa mali ay nangangahulugan na mayroon kang pagkilatis sa mga positibo at negatibong bagay sa iyong puso. Sa loob ng iyong pagkatao, mayroon kang isang pamantayan para sa paghusga, at alam mo kung anong mga bagay ang positibo at kung anong mga bagay ang negatibo. Mayroon ka ring malinaw na saloobin, alam mo kung paano tratuhin ang mga positibo at negatibong bagay. Kaya mong tanggapin, makiayon, at umangkop sa mga positibong bagay, at wala kang paglaban o pagtutol sa iyong puso para sa mga ito. Tungkol naman sa mga negatibong bagay, kaya mong kilatisin ang mga ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, at kaya mong kasuklaman, tutulan, at kamuhian ang mga ito, at magkaroon pa nga ng sarili mong mga pananaw tungkol sa mga ito, na ginagamit mo para punahin ang mga ito. Ito ang saloobin at pagpapamalas na dapat taglayin ng isang taong nakakakilatis ng tama sa mali. Gayumpaman, ipagpalagay na sa iyong kalooban ay kinasusuklaman at kinamumuhian mo ang mga bagay na malinaw na positibo, at itinuturing mo pa ngang hindi kapansin-pansin ang mga ito kumpara sa mga negatibong bagay, pati na rin na masyadong ordinaryo, masyadong karaniwan, at masyadong hindi karapat-dapat banggitin. Sa iyong kalooban ay hinahangaan, pinananabikan, at hinahangad mo rin ang mga negatibong bagay, at sinasang-ayunan mo pa nga ang mga negatibong bagay na iyon sa lipunan at sa mundo. At paano man pinagbabahaginan ang katotohanan o ang mga prinsipyo ng pagkilatis, hindi mo kayang isapuso o tanggapin ang mga ito. Sa ganoong sitwasyon, ang iyong pagkatao ay hindi normal. Kung wala kang pagkadama o malinaw na mga pananaw pagdating sa mga positibo at negatibong bagay dahil bata ka pa at kulang sa karanasan sa buhay o kabatiran, o dahil hindi ka pa nasangkot sa mga bagay na ito o hindi pa naging bahagi ng iyong buhay ang mga ito, kung gayon, hindi pa masasabi na isa kang taong hindi nakakakilatis ng tama sa mali. Gayumpaman, pagkatapos pagbahaginan kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, kung hindi mo pa rin kayang tanggapin o makiayon sa mga positibong bagay mula sa kaibuturan ng iyong puso, at sa halip ay nakakaramdam ka ng pagtutol at kinasusuklaman mo ang mga ito, habang masigasig mong hinahabol at pinananabikan ang mga negatibong bagay, kung gayon, hindi ka isang tao na nakakakilatis ng tama sa mali. Kung titingnan mula sa puntong ito, napakalinaw na ang gayong tao ay walang pagkatao. Ang usaping ito ng pagkilatis ng tama sa mali ay nagbubunyag sa pagkiling ng isang tao sa mga positibo at negatibong bagay, kaya nagbibigay-daan ito sa atin na matukoy kung ano talaga ang klasipikasyon ng taong ito. Anuman ang makaharap niya, kung kumikiling siya sa mga negatibong bagay sa halip na sa mga positibong bagay, malinaw na ang taong ito ay walang pagkatao at hindi nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Bakit Ko sinasabi ito? Pinananabikan niya ang masasamang bagay, pinananabikan ang iba’t ibang gawain, proyektong pananaliksik, o ilang aspekto ng teknolohiya na itinataguyod, sinasang-ayunan, at isinasagawa ni Satanas at ng masamang sangkatauhan, sa halip na panabikan at sundin ang mga orihinal na tuntunin at batas ng mga positibong bagay, na nagmumula sa Diyos. Ang gayong mga tao, kung gayon, ay tiyak na hindi tao. Malinaw ba ito? (Oo.)
Katatalakay lang natin tungkol sa kakayahang makilatis ang tama sa mali sa pagkatao ng mga tao, ibig sabihin, kung matutukoy ba ng mga tao ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay. Kakaunti ang mga taong may kakayahan sa pagkilatis na ito, subalit sa kanilang mga buhay, madalas na kapwa nakakasalamuha ng mga tao ang mga positibo at negatibong bagay. Halimbawa, ang mga normal na damdamin ng mga tao—kagalakan, galit, kalungkutan, kaligayahan—ay mga positibo o negatibong bagay ba? (Mga positibong bagay.) Paano naman ang paghihimagsik ng mga tao laban sa Diyos? Positibo o negatibong bagay ba iyon? (Isang negatibong bagay.) At paano naman ang maluluhong pagnanais na inuukol ng mga tao sa Diyos? Mga positibo o negatibong bagay ba ang mga iyon? (Mga negatibong bagay.) Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ang mga tao ay talagang walang kamalayan pagdating sa marami sa mga bagay na nakakasalamuha nila. Ang ilang positibong bagay ay palaging kasama ng mga tao sa kanilang buhay at pag-iral; gumaganap ang mga ito ng napakahalagang papel sa kanilang buhay, at ang positibong epekto ng mga ito sa pananatiling buhay ng tao ay hindi mapapalitan ng epekto ng anumang negatibong bagay. Gayumpaman, madalas na hindi pinapansin ng mga tao ang mga positibong bagay na ito, sa halip ay naniniwala sila na maraming negatibong bagay ang palaging kasama ng mga tao, nagpapanatili sa kanilang buhay, at sumasama sa kanila sa kanilang pag-iral. Mula rito, makikita na maraming tao ang talagang walang damdamin para sa mga positibong bagay. Hindi gaanong mahalaga kung wala kang pakiramdam para sa mga bagay na ito. Hangga’t, sa sandaling malaman mong mga positibong bagay ang mga ito, ay hindi ka tutol sa mga ito, at kaya mo pa ngang hangarin at mahalin ang mga ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, pinapatunayan nito na ang iyong pagkatao ay naghahangad ng kung ano ang positibo. Ipagpalagay na alam mo kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, ngunit hindi mo pa rin magawang magustuhan ang mga positibong bagay. Sa halip, mayroon kang pagkahilig sa iyong puso para sa mga negatibong bagay, partikular ka pa ngang interesado sa mga ito, at, higit pa riyan, tiyak na hahangarin at susubukan mong makamit ang mga ito kung tama ang mga kondisyon at may pagkakataon ka. Ipinapahiwatig nito na pagdating sa iyong oryentasyon sa mga positibo at negatibong bagay, mahal mo kung ano ang negatibo at hindi kung ano ang positibo. Kung hindi mo minamahal ang mga positibong bagay, ipinapakita nito na hindi ka isang positibong tao. Kung hindi ka isang positibong tao, tiyak na hindi ka isang taong may konsensiya at katwiran; isa kang negatibong tao. Kung hindi ka isang taong may konsensiya at katwiran, hindi ka tao, wala kang pagiging tao. Halimbawa, may isang taong nagtatanim ng mga kamatis. Narinig niya na kapag lumaki na ang mga kamatis, mapapapula ang mga ito mula sa pagiging berde sa loob lang ng isang gabi sa pamamagitan lang ng paglalagay ng kemikal na sangkap, at pagkatapos ay maaari nang ibenta kaagad. Pagkatapos ay iniisip niya, “Napakainam nito. Nagbebenta sa ganitong paraan ang lahat, kaya ganito na rin ang gagawin ko. Sa ganitong paraan, puwede akong yumaman, at mas maaga ko ring makakain ang mga kamatis. Perpekto ito!” Kaya ipinagbibili niya ang mga kamatis na ito, at kinakain din niya mismo ang mga ito. May isang taong nagpapaalala sa kanya na ang mga kamatis na pinahinog gamit ang mga kemikal na sangkap ay nakakapinsala sa mga tao, at na ang pagbebenta ng gayong mga bagay ay pamiminsala sa iba, ngunit tumatanggi siyang tanggapin ito, sinasabi niya, “Paano ito magiging pamiminsala sa mga tao? Bunga ito ng siyentipikong pananaliksik; isa itong positibong bagay. Naglilingkod ang agham sa sangkatauhan, at dahil naimbento ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng agham, dapat na malawakan itong gamitin sa buhay ng mga tao. Ang buhay ng mga tao ay hindi puwedeng walang agham; kailangan nating umasa rito.” Itinuturing pa nga ng ilang tao ang agham bilang ang katotohanan, at tinuturuan nila ang mga tao na mahalin, pag-aralan, at gamitin ang agham, pati na rin ang ibatay ang lahat dito. Maaaring natuklasan na ngayon ng ilang tao na hindi naman talaga laging tama ang agham, at na ang ilang bagay na naimbento sa pamamagitan ng agham ay nakakapinsala sa mga tao—halimbawa, ang mga sandatang kemikal at mga makabagong sandata ay may kakayahang pumatay ng sangkatauhan, at sa partikular, ang mga pagkaing genetically modified ay isang walang katapusang salot sa sangkatauhan. Ngunit hindi ganoon ang iniisip ng maraming tao, sinasabi nila, “Maaari bang magkamali ang agham? Kung mali ang agham, susuportahan ba ito ng estado? Ang buong sangkatauhan ay nag-aaral at gumagamit ng agham—maaari bang magkamali ang buong sangkatauhan?” Tama ba ang pahayag na ito? Naniniwala sila na, dahil iginagalang at ginagamit ng buong sangkatauhan ang agham, at ito ang kalakaran sa lipunan, gaano man ito kanegatibo, maaari itong maging isang positibong bagay. Sila ba ay mga taong nakakakilatis ng tama sa mali? (Hindi.) Ano ang mga salitang ito na sinasabi nila? (Mga maling kaisipan.) Ang mga iyon ay mga maling kaisipan, mga maling paniniwala, at baluktot na argumento. Bagama’t karamihan sa mga taong kabilang sa masamang sangkatauhan ay sumasang-ayon at kumikilala sa mga kasabihang ito, gaano man karaming tao ang kumikilala at sumasang-ayon sa mga ito, ang mali ay palaging magiging mali, ang mga negatibong bagay ay palaging magiging mga negatibong bagay, at ang baluktot na pangangatwiran ay palaging magiging baluktot na pangangatwiran. Imposibleng maging mga positibong bagay ang mga ito, ni kailanman ay maging katotohanan ang mga ito.
Hindi ba’t ang mga taong palaging naghahangad ng mga kalakaran sa lipunan at mahilig magsalita ng mga maling kaisipan ay yaong mga partikular na nagmamahal sa mga negatibong bagay? (Oo.) Matatanggap ba nila ang katotohanan at mga positibong bagay? (Hindi.) Hindi nila kayang tanggapin ang mga positibong bagay. Halimbawa, may ilang taong nagkakasakit, at ang totoo, ang kanilang karamdaman ay maaaring mapagaling sa pamamagitan ng ehersisyo at mga pagsasaayos sa kanilang pang-araw-araw na gawi, ngunit ipinipilit nilang gumamit ng mga makabago at high-tech na paraan at metodo para sa pagpapagamot. Maaari mong sabihin, “Bagama’t makabago na ngayon ang medisina, at ang panggagamot na iyon ay may malilinaw na resulta, mayroon itong mga naiiwang epekto, na ang mga kahihinatnan ay hindi na maaayos. Dapat kang gumamit ng isang natural na pamamaraan—gaya ng ehersisyo, pagsasaayos ng iyong pang-araw-araw na gawi, at pagsasaayos ng iyong mga gawi at pattern sa pagkain—upang unti-unting magkaroon ang iyong katawan ng isang normal at natural na takbo, at pagkatapos nito ay unti-unting mababawasan ang ilang sintomas.” Kayang tanggapin ng ilang tao ang ganitong uri ng pananaw, ngunit hindi ito kaya ng iba. Iniisip nila, “Isa iyang makalumang pamamaraan. Iyan ang paraan at pilosopiya ng panggagamot ng sangkatauhan sa mga sakit libo-libong taon na ang nakalipas. Ang ideya na ang paggaling ay tatlumpung porsiyentong gamutan at pitumpung porsiyentong pamamahinga ay hindi na epektibo ngayon! Makabago na ang medisina ngayon, at ang mga high-tech na paggamot ay nagdudulot ng mabibilis na resulta. Pinapagaling ka ng mga gamot sa isang iglap!” Ayon sa kanilang mga pananaw, hangga’t makabago ang medisina at kayang gamutin ang iba’t ibang sakit ng sangkatauhan at nagpapahintulot ito sa mga tao na mabuhay nang matagal, ang medisina ay naging isang positibong bagay na, at dapat maniwala ang mga tao sa medisina at maniwala sa agham, at hayaan ang agham na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang mga tadhana. Iniisip nila na gaano man karaming sakit magkaroon ang mga tao, walang dapat ikatakot—sa pamamagitan ng mga high-tech na paraan, anumang komplikado at mahirap gamuting sakit ay maaaring malunasan, at na, kahit na may mga naiiwang epekto, hindi ito dapat ikabahala. Tumpak ba ang mga pananaw na ito? Ang mga iyon ay mga maling kaisipan. Sabihin mo sa Akin, kung kakausapin mo ang ganitong uri ng tao tungkol sa kung ano ang mga positibong bagay, mapaiintindi mo ba sa kanila ang mga ito? Matatanggap ba nila ito? (Hindi, hindi namin mapaiintindi sa kanila ang mga ito.) Isang dahilan kung bakit hindi mo sila mapaiintindi ay dahil sila mismo ay hindi kayang tumanggap ng mga positibong pananaw. At ang isa pa ay dahil ang buong sangkatauhan sa buong mundo ay tinatangay ng masasamang kalakaran, nang walang kahit isang eksepsiyon. Bagama’t nananampalataya sila sa Diyos, sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila tinatanggap ang mga positibong bagay, at hindi nila tinitingnan ang mga tao at mga bagay batay sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit pa rin nila ang mga pananaw ni Satanas at ang masasamang kalakaran ni Satanas bilang mga batayan sa pagtingin o pagtrato sa bawat usapin. Samakatwid, bagama’t ang ganitong uri ng tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, nakarinig na ng ilang sermon, at gumagawa na ng kanilang tungkulin, at sinasabi nilang handa silang tanggapin ang katotohanan, ang mga pananaw nila sa mga bagay-bagay sa totoong buhay ay nananatiling hindi nagbabago, at hindi rin sila nagbago sa kung ano ang pinipili nila sa pagitan ng mga negatibong bagay at mga positibong bagay. Ang mga negatibong bagay na tinanggap nila ay nakaugat na sa kanilang mga puso, at kahit pa alam nilang ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, panghahawakan pa rin nila ang mga ito. Lubos nitong ipinapakita na ang tunay na minamahal nila sa kanilang puso ay mga negatibong bagay, hindi ang katotohanan. Kahit na nabasa na nila ang mga salita ng Diyos at nakarinig na sila ng mga sermon tungkol sa katotohanan, at nauunawaan nila bilang doktrina na ang mga salitang ito ay tama at ang katotohanan, ayaw pa rin nilang isuko ang mga negatibong bagay na matagal na nilang tinanggap sa kaibuturan ng kanilang puso, at hindi nila kailanman ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan upang makilatis ang mga negatibong bagay. Kapag nakakasalamuha sila ng mga partikular na usapin, sa kanilang puso, kumakapit pa rin sila sa kanilang orihinal at maling mga pananaw, at itinuturing pa rin nila ang mga negatibong bagay bilang mga positibong bagay, at ang mga maling pananaw bilang mga tamang pananaw. Pagdating naman sa mga positibong bagay, bagama’t hindi nila hayagang sinasabi na ang mga ito ay mga negatibong bagay, sa kanilang puso ay ayaw nilang isuko ang mga negatibong bagay at tanggapin ang mga positibong bagay, dahil pakiramdam nila ay, “Ang mga positibong bagay ay tila napakaliit ng impluwensiya, at napakakaunting tao ang makakatanggap sa mga ito. Hindi praktikal ang mga ito sa lipunan—isa itong obhetibong katunayan.” Pinapatunayan nito na wala silang abilidad na makilatis ang tama sa mali sa kanilang puso, at na may problema sa kanilang pagkatao. Ang ganitong uri ng tao ay hindi interesado sa mga positibong bagay, at madalas na gustong baguhin ang kalikasan, baguhin ang mga batas ng kalikasan para sa pananatiling buhay, baguhin ang mga batas ng pisyolohiya ng tao, at baguhin ang mga batas para sa pananatiling buhay ng tao, palaging gustong lupigin ang kalikasan at lupigin ang iba’t ibang nilalang na may buhay. Halimbawa, palagi nilang pinagninilayan ang mga bagay na tulad nito: “Paano natin mabibigyan ang mga aso ng mga gene ng pusa, para makahuli ang mga aso ng daga tulad ng ginagawa ng mga pusa? At hindi ba’t napakaganda sana kung ang mga pusa ay parehong makakahuli ng daga at makakapagbantay ng bahay tulad ng mga aso?” “Kung ang mga inahing manok ay parehong mangingitlog at makakatilaok, kailangan lang nating mag-alaga ng mga inahing manok—napakaganda niyon!” Nakikita mo, palagi silang nag-iisip-isip ng mga hindi wastong bagay. Kung ito ay isang taong nakakakilatis ng tama sa mali, iisipin niya, “Napakaganda ng mga hayop na nilikha ng Diyos! Tumitilaok ang mga tandang at sinasamahan ang mga inahing manok, at nangingitlog ang mga inahing manok at nagpapapisa ng mga sisiw, at parehong makakain ng mga tao ang karne ng mga tandang at inahing manok. Napoprotektahan ng mga aso ang tahanan at sinasamahan ang kanilang mga amo, at nakakahuli ng mga daga ang mga pusa, at kung minsan ay maaari din silang maging hindi kapansin-pansing mga miyembro ng pamilya. Napakaganda ng lahat ng ito, bawat isa ay may sarili nitong silbi—mabuti ang lahat ng nilikha ng Diyos!” Ngunit yaong mga hindi nakakaunawa sa mga positibong bagay ay gagamitin ang mga pananaw ni Satanas upang itanggi at kondenahin ang mga ito, at susubukan pa nga nila, batay sa mga pananaw ni Satanas, na baguhin ang mga batas sa pananatiling buhay ng iba’t ibang nilalang, na baguhin ang iba’t ibang batas ng kalikasan, at maging ang baguhin ang mga batas sa pananatiling buhay ng tao, lahat ay upang hayaan ang agham na magkaroon ng kapangyarihan. Ang gayong mga tao ay tiyak na walang normal na pagkatao. Ang kanilang pagkatao ay walang katangian ng kakayahan na makakilatis ng tama sa mali. Dagdag pa rito, hindi nila alam kung paano pamahalaan ang kanilang buhay ayon sa mga likas na batas, at palagi nilang gustong gawin ang mga bagay-bagay ayon sa kalooban ng tao, gamit ang mga teknolohikal na paraan o artipisyal na pamamaraan upang baguhin ang mga normal na batas ng pisikal na buhay. Halimbawa, kailangan ng isang normal na tao ng pito o walong oras ng pahinga sa isang araw upang mapuno ng lakas at kayaning maitaguyod ang isang araw ng pamumuhay at pagtatrabaho, ngunit ang ganitong uri ng tao ay nagbubulay-bulay, “Hindi ba’t napakaganda sana kung ang mga tao ay maaaring mamuhay at magtrabaho nang normal sa bawat araw nang hindi kinakailangang matulog o kumain? Anong mga high-tech na paraan kaya ang magagamit para makamit ito?” Ang mga katawa-tawa at kakatwang ideya ay maaaring basta na lang sumulpot sa kanilang isipan. Hindi nila pinagbubulayan kung paano umangkop at sumunod sa mga batas na ito mula sa perspektiba ng normal na pagkatao at sa gayon ay wastong harapin ang iba’t ibang pangangailangan at isyu ng laman, kundi sa halip ay palagi nilang gustong baguhin ang mga batas na ito, upang maging iba sa mga ordinaryong tao, upang malampasan ang kanilang mga pisikal na instinto, at upang hindi makontrol o mapigilan ng kanilang laman. Hindi ba’t nakakatakot ito? Palagi nilang gustong mamukod-tangi sa karamihan. Ang iba ay natutulog nang walong oras sa isang araw, ngunit gusto nilang matulog nang sampung minuto lamang, o sa pinakamahaba ay isa o dalawang oras, at magkaroon pa rin ng sapat na lakas para sa buong araw. Ito ay isang bagay na hindi kayang makamit ng mga normal na tao. Ang mga likas na batas ng katawan ng tao ay naitakda na sa ilalim ng pag-orden ng Diyos. Kung gaano kagana sa pagkain ang isang tao, kung ano ang mga batas ng paggana ng kanyang mga laman-loob, kung gaano karaming lakas mayroon ang isang tao, kung gaano karaming gawain ang magagawa niya sa isang araw, kung gaano karaming bagay ang kayang pag-isipan ng kanyang utak sa isang araw, at kung gaano katagal niya kayang pag-isipan ang mga ito—lahat ng ito ay nakatakda na. Mula sa perspektiba ng pagkatao, ang mga batas na ito ay talagang normal, at ang mga ito ay mga positibong bagay. Sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa ilang batas na ang sangkatauhan ay maaaring magpatuloy na mabuhay taon-taon, maaaring magpatuloy na magparami at mabuhay sa mga sunod-sunod na salinlahi, at na maaaring magpatuloy na mabuhay ang sangkatauhan. Ganito ito para sa lahat ng nilalang na may buhay. Sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa ilang likas na batas at ilang batas ng buhay, at sa pagkakaroon ng mga panahon ng kapwa pamamahinga at aktibidad, mapapanatili ang pagpapatuloy ng kanilang buhay. Kung lalabagin ng isang tao ang mga likas na batas, magkakaroon ng mga problema ang pagpapatuloy ng kanyang buhay, at maaaring hindi siya mabuhay nang napakatagal. Kung magkaroon ng problema sa pisikal na kondisyon ng isang tao, ang kanyang normal na buhay, ang kanyang pang-araw-araw na pagkain, pati na rin ang kanyang normal na pag-iisip, normal na paghusga, at ang dami ng gawaing magagawa niya sa isang araw, at iba pa, ay pawang maaapektuhan. Samakatwid, pinoprotektahan ng mga likas na batas ng sangkatauhan ang normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ang mga ito ay mga positibong bagay at hindi dapat hamakin ng mga tao, at hindi rin dapat maging tutol ang mga tao sa mga ito. Sa halip, dapat nilang igalang at sundin ang mga ito. Yaong mga di-tao na kay Satanas ay palaging nadarama, “Ang pagsunod sa mga likas na batas na ito ng sangkatauhan ay nagpapamukhang lubos na walang kakayahan at walang silbi ang mga tao! Palagi tayong nililimitahan ng mga likas na batas na ito—kapag pagod ka, kailangan mong matulog; kapag gutom ka, kailangan mong kumain. Kung hindi mo gagawin ang mga bagay na ito, hindi makakasabay ang isip mo sa iyong bibig, magsisimulang manginig ang iyong mga kamay, magsisimulang kumabog ang iyong puso, at manghihina ang iyong mga binti at hindi ka makakatayo nang matatag. Napakaproblematiko nito! Isipin mo na lang, paano kung puwedeng uminom ka lang ng gamot at mamuhay nang normal, o kung puwede kang mapuno ng lakas kahit hindi nagpapahinga nang ilang araw, na gagawin kang mas kahanga-hanga pa kaysa sa isang robot. O isipin mo na kapag gutom ka, puwedeng pindutin mo lang ang isang partikular na acupoint at agad na hindi makaramdam ng gutom. O isipin mo, paano kung hindi ka kumain nang ilang araw at maayos ka pa rin, na hindi nangangayayat ang iyong laman, hindi nababawasan ang iyong lakas, at normal at malusog pa rin ang iyong katawan. Napakaganda niyon!” Palaging gustong baguhin ng mga tao ang mga likas na batas na ito. Hindi ba’t ito ay pagtanggi at pagsalungat sa mga positibong bagay? (Oo.) Tinitiyak ng pag-iral ng mga positibong bagay na ito ang normal na pag-iral ng sangkatauhan at pinapanatili nito ang normal na buhay ng sangkatauhan, kaya hindi lamang dapat sundin ng mga tao ang mga ito kundi dapat ding tratuhin nang makatwiran. Hindi nila dapat labanan ang mga ito, pigilan ang mga ito, o salungatin ang mga ito, at lalong hindi nila dapat tutulan ang mga ito. Sa kabilang banda, yaong mga bagay na hindi sakop ng mga likas na batas ng sangkatauhan, ang mga imahinasyon ng mga tao, ang ilan sa kanilang mga abnormal na ideya at ekstraordinaryong pag-uugali ay pawang mga negatibong bagay. Dahil lahat ng iyon ay mga negatibong bagay, dapat kilatisin at tanggihan ng mga tao ang mga ito, hindi tanggapin ang mga ito. Kung mayroon kang pagkilatis sa mga positibo at negatibong bagay, at kaya mong tratuhin nang wasto at harapin nang makatwiran ang mga ito habang namumuhay ka, kung gayon, normal ang iyong pagkatao. Kung madalas mong hindi nararamdaman ang mga positibong epekto ng mga positibong bagay na ito sa iyo, at madalas mong gustong salungatin ang mga ito at gumawa ng mga bagay na salungat sa mga ito, at madalas mong sinusubukang baguhin ang mga positibong bagay na ito batay sa ilang negatibong kasabihan at pananaw, na lumalabag sa mga obhetibong batas ng mga bagay, kung gayon, pinapatunayan nito na, sa usapin ng iyong pagkatao, wala kang abilidad na makilatis ang tama sa mali. Matapos makapagbahaginan sa ganitong paraan, nauunawaan mo na ba ngayon? (Oo.)
Kung ang isang tao ay may pagkatao, hindi ba’t dapat niyang maunawaan kung ano ang mga positibong bagay at tanggapin ang mga ito? (Oo.) At hindi ba’t dapat din niyang makilatis ang mga negatibong bagay, habang kasabay nito ay kaya niyang kamuhian at tanggihan ang mga ito mula sa kanyang puso? (Oo.) Kung gayon, ano pang ibang mga bagay ang hindi matukoy ng mga tao bilang positibo o negatibo? Ang pananampalataya at pagsunod ba sa Diyos ay isang positibo o negatibong bagay? (Isang positibong bagay.) Ang kataas-taasang kapangyarihan ba ng Diyos sa tadhana ng tao ay isang positibo o negatibong bagay? (Isang positibong bagay.) Ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa tadhana ng tao ay isang positibong bagay. Kung gayon, ano ang mga pangunahing pananaw na pundasyon ng pagsalungat ng tiwaling sangkatauhan sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot ng Diyos? (Naniniwala ang mga tao na ang tadhana ng isang tao ay nasa sarili niyang mga kamay, at na kayang baguhin ng kaalaman ang tadhana ng isang tao.) Ito ang mga pananaw na pundasyon ng pagkakaila ng tiwaling sangkatauhan sa Diyos at paglaban sa Diyos; ang mga ito ay tunay na mga negatibong bagay. Kung gayon, paano dapat arukin ng mga tao ang usapin ng pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao? Ang ilang tao, bagama’t bilang usapin ng doktrina ay kinikilala nila na ang pahayag na “Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao” ay tama at isang positibong bagay, ay naniniwala pa rin sa kanilang puso na kayang baguhin ng sariling pagsisikap ng tao ang kanyang tadhana, na ang kanyang tadhana ay maaaring nasa kanyang sariling mga kamay, at na nasa kanya ang huling pasya. Pakiramdam nila ay na kung hindi sila mag-aaral nang mabuti at magsisikap, hindi sila makakapasok sa isang magandang unibersidad, at hindi magkakaroon ng magandang trabaho, magandang kinabukasan, o magagandang kondisyon sa pamumuhay. Sila ba ang uri ng mga taong nakakakilatis ng tama sa mali? (Hindi.) Pagkatapos mabuhay nang dalawampu o tatlumpung taon, hindi pa rin nila alam kung ano ang kahulugan ng pahayag na “Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao.” Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos ngunit iniisip pa rin nila na ang kanilang tadhana ay nasa kanilang sariling mga kamay, na kayang baguhin ng kaalaman ang kanilang tadhana, at na kung gusto nila ng isang magandang destinasyon at magtamasa ng magagandang bagay at mamuhay ng magandang buhay, dapat silang umasa sa kanilang sariling pagsisikap—tulad nga ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Kailangan mong itaya ang lahat para manalo.” Ito ba ang uri ng taong nakakakilatis ng tama sa mali? (Hindi.) Ang isang tao ba na hindi makakilatis ng tama sa mali ay isang tao? (Hindi.) Nagtatamasa sila ng magandang buhay, kumakain at nagdadamit nang maayos, at lubos na iginagalang ng iba sa lipunan, at pakiramdam nila na ang buhay na mayroon sila ngayon ay pawang dahil sa kanilang sariling pagsisikap. Samakatwid, naniniwala sila na ang pahayag na “Kailangan mong itaya ang lahat para manalo, at ang tadhana ng tao ay nakasalalay sa kanyang sarili, hindi sa iba” ay totoo at isang tamang pananaw. Isa ba itong pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Hindi.) Bago magkaroon ng kaalaman ang mga tao, hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito, ngunit sa sandaling magtamo na sila ng kaunting kaalaman, lubusan nilang itinatanggi ang pahayag na “Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan,” at sa halip ay iniisip, “Ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang kamay; kayang lumikha ng isang tao ng kaligayahan gamit ang sarili niyang mga kamay.” Ito ba ang uri ng taong nakakakilatis ng tama sa mali? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng nilalang ang gayong tao? Hindi ba’t wala siyang pagkatao? (Oo.) Ang gayong tao ay isang taong walang konsensiya at katwiran, at ang isang taong walang konsensiya at katwiran ay hindi makakakilatis ng tama sa mali. Kahit na tunay na niyang naranasan ang mga katunayan ng buhay, hindi pa rin niya tunay na maaarok kung ano ang mga positibong bagay, ni tunay na mapapahalagahan kung ano ang diwa ng mga positibong bagay. Ipinapakita nito na hindi niya kayang makilatis ang tama sa mali. Ang gayong tao ay walang pagkatao; siya ay talagang hindi isang tao. Mayroon ding ilang tao na kayang bumigkas ng doktrina, na magsabing, “Ang mga batas ng lahat ng bagay ay mula sa Diyos, ang mga ito ay mga positibong bagay, ang mga ito ay kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, at ang mga ito ang dapat sundin ng sangkatauhan, at kung ano rin ang dapat hangarin at pagsumikapan ng sangkatauhan,” ngunit pagkatapos makasalamuha ng ilang high-tech na impormasyon at high-tech na bagay, nagbabago ang kanilang mga pananaw sa mga usaping ito. Anong uri ng mga pananaw ang ipinapalit nila? Sinasabi nila, “Tayong mga mananampalataya sa Diyos ay palaging nagsasalita tungkol sa mga batas ng pamumuhay, mga batas ng lahat ng bagay, at mga batas ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay, at iniisip nating ang mga ito ay mga positibong bagay. Napakaatrasado niyan! Nagpapakita ito ng kawalan ng kaalaman, tulad ng pagkakaroon ng makitid na pananaw! Napakamakabago na ng teknolohiya ngayon; maraming bagay na hindi mo kailangang gawin nang ikaw mismo, dahil kayang gawin ng mga teknolohikal na produkto para sa iyo ang mga ito—iyan ang tinatawag na makabago! Tingnan mo, umaandar ang ilang sasakyan kahit walang nagmamaneho. Pagkasakay mo sa kotse, itatakda mo ang destinasyon, at pagkatapos ay magsasabi ka lang ng isang salita at aandar na ang kotse. Iyan ay tunay na high-tech, labis na kahanga-hanga! Nakabuo na ang sangkatauhan ng makabagong teknolohiya, at tayo ay naging mga panginoon na ng lahat ng bagay nang walang anumang ginagawa. Kaya, tanging agham lamang ang ganap na katotohanan! Ang mga taong kulang sa edukasyon at kaalaman at hindi nakakaunawa sa agham ay atrasado at walang pinag-aralan!” Nagbago na ang pananaw nila, hindi ba? Sa kanilang puso, hindi nila nakilatis ang pagkakaiba sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay. Mayroon ding ilang tao na, pagkatapos bumisita sa isang museo ng aviation, ay napapabulalas, “Wow, nakakamulat naman ito, napakamakabago ng agham! Pakiramdam nating mga ordinaryong tao ay lubos na hindi iyon abot ng ating pang-unawa—wala tayong anumang maintindihan dito. Hindi mo man lang maiisip ang antas na narating na ng agham ngayon. Ni hindi pa nga tayo nakakasalamuha ng mga moderno at makabagong teknolohikal na bagay na iyon! At nananampalataya pa rin tayo sa Diyos, at nagsasalita tungkol sa mga likas na tuntunin at batas—labis tayong atrasado!” Pagkatapos makita ang mga nakakasilaw na bagay na ito ng modernong lipunan, lubusang itinatanggi ng gayong mga tao mula sa kaibuturan ng kanilang puso ang mga teorya tungkol sa mga positibo at negatibong bagay na dati nilang nauunawaan. Hindi nila mas malinaw na tinutukoy kung ano ang mga positibong bagay, sa halip ay naniniwala sila na ang mga positibong bagay ay atrasado at nahuhuli sa modernong teknolohiya at sa modernong takbo ng pag-unlad ng tao. Hindi lang iyan, kundi partikular din nilang sinasang-ayunan at hinahangad ang mga negatibong bagay na ito, umaasang maging isa sa mga bumubuo ng moderno at makabagong teknolohiya. Ang ganitong uri ba ng tao ay isang taong nakakaunawa ng tama sa mali? (Hindi.) Dahil ang kakayahang makilatis ang tama sa mali ay isang katangian ng pagkatao, kasunod nito na ito ay isang bagay na likas at katutubo sa pagkatao, hindi isang bagay na nabubuo sa paglaon. Ibig sabihin, ang kakayahang makilatis ang tama sa mali, ang katangiang ito ng pagkatao, ay hindi magbabago sa paglipas ng panahon, o sa mga pagbabago sa heograpikal na kapaligiran o sa mga tao, pangyayari, at bagay. Walang sinuman ang makakapagbago nito, at walang anumang bagay ang makakapagbago o makakaalis nito. Sa kaibuturan ng puso ng mga taong nakakakilatis ng tama sa mali, ang mga positibong bagay ang palagi nilang hinahangad, habang ang mga negatibong bagay ang palagi nilang tinututulan at kinasusuklaman, at ang hindi kailangan ng kanilang pagkatao. Ano ang kailangan nila? Kailangan nila ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga batas ng pisikal na buhay at sa kanilang pisikal na pananatiling buhay, mga bagay na natural, na nagpapadama sa mga tao ng kapayapaan at katahimikan, at na umaayon sa mga pangangailangan ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, hindi mga bagay na engrande, matayog, at kahanga-hanga. Nakikita mo, pagdating sa kung paano umasal ang isang tao, gusto ng ilang tao na ang kanilang buhay ay medyo mas simple at hindi magarbo; ayaw nilang mamuhay ng mga buhay na kapansin-pansin, kundi gusto lang nila ang katahimikan, at ang magkaroon ng kapayapaan at kagalakan, ang mamuhay nang napakatahimik. Gayumpaman, ang ibang mga tao ay hindi ito gusto; gusto nilang mamuhay ng mga buhay na kapansin-pansin, gusto nila ng mga bagay na engrande, matayog, at kahanga-hanga, gusto nilang magtanghal, gusto nilang maging katangi-tangi sa karamihan at maging tanyag, at hindi nila gusto ang pagiging simple o pagiging natural. Ipinapakita nito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkatao ng mga tao.
Ang mga taong walang kakayahang kumilatis ng tama sa mali ay maaaring makisabay sa ilang tama at positibong pahayag, o sa panlabas, maaari silang sumunod sa iba sa pagkagusto at pag-aasam sa ilang positibong bagay. Gayumpaman, kapag lumipas na ang panahon, nagbago ang kapaligiran, at nagbago rin ang mga tao, pangyayari, at bagay, ang mga positibong bagay na ito ay agad na magiging mga negatibong bagay sa kaibuturan ng kanilang puso, habang ang mga negatibong bagay, na tunay nilang gusto, ay magiging mga positibong bagay naman, magiging mga pakay ng kanilang paghahangad. Ibig sabihin, bago pa nila makita ang anumang negatibong bagay na gusto nila, ang mga positibong bagay ay isa lamang doktrina para sa kanila, at kaya nilang sumunod sa agos at makigaya sa karamihan, ngunit habang sila ay tumatanda at lumilipas ang panahon, ang mga bagay na tunay na minamahal nila sa kanilang puso at ang kanilang mga tunay na pananaw ay kusang lilitaw. Halimbawa, madalas sabihin ng ilang tao, “Mabuti ang manampalataya sa Diyos; ang mga nananampalataya sa Diyos ay lumalakad sa tamang landas at hindi gumagawa ng masama; lahat sila ay mabubuting tao.” Ngunit pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon at makita na lahat ng sermon at pagbabahaginan sa sambahayan ng Diyos ay nagsasabi sa mga tao na maging matapat, hangarin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at gawin ang tungkulin ng isang nilikha, nagiging tutol sila rito, at nararamdaman nilang walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos, at gusto nilang lisanin ang iglesia at bumalik sa mundo; wala sa iglesia ang kanilang puso. Ganito ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa katunayan, ang ganitong uri ng tao ay hindi nagmamahal sa mga positibong bagay, at marami silang mga baluktot na pangangatwiran at maling paniniwala sa kanilang puso. Para sa kanila, ang mga baluktot na pangangatwiran at maling paniniwalang ito ay mga positibong bagay, habang sa kaibuturan ng kanilang puso, sila ay tutol, nasusuklam, at mapanghamak sa tunay na mga positibong bagay, at hindi nila kailanman tinatanggap ang mga ito. Dahil mismo hindi nila kailanman tinatanggap ang mga positibong bagay, at dahil ang gusto nila ay mga negatibong bagay, kaya ang pagkatao ng ganitong uri ng tao ay walang kakayahang kumilatis ng tama sa mali. Katulad lang ito ng ilang tao na, nang una silang magsimulang manampalataya sa Diyos, ay ginagawa lang ito para sa mga pagpapala. Pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, sa wakas ay nauunawaan nila: “Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na hinihingi sa mga tao na maging matapat, maging deboto at handang magbayad ng halaga sa paggawa ng kanilang tungkulin, maging taos-puso sa Diyos, hindi kumilos nang walang ingat at sutil, at itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Lalo na kapag sumasalungat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa sarili nilang interes, dapat nilang itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at talikuran ang kanilang mga personal na interes.” Pagkatapos malaman ang tungkol sa lahat ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan, pinagsisisihan nila ang pananampalataya sa Diyos, sinasabing, “Inakala kong ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng isang malaking grupo, ng isang makapangyarihang puwersang masasandalan, at na hangga’t ang mga tao ay maraming tinalikuran, nagdusa, at nagbayad ng halaga, makakapasok sila sa kaharian at magkakaroon ng magandang destinasyon, at papasok nang buong kapangyarihan sa susunod na kapanahunan, magiging mga panginoon nito at mamumuno bilang mga hari. Ngunit lumalabas na hindi pala ganoon. Ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol pala sa pagtuturo sa mga tao kung paano umasal at kung paano magpasakop sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa partikular, kung nananampalataya ang mga tao sa Diyos, palaging hinihingi sa kanila na maging matapat at magsalita nang matapat, at palaging hinihingi sa kanila na isagawa ang katotohanan; hindi sila pinahihintulutan na sila ang masunod. Ano pa ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos kung ganoon?” Pagkatapos ay nagkakaroon sila ng mga hinaing sa kanilang puso at gusto na nilang tumalikod sa kanilang pananalig. Ngunit pagkatapos ay naiisip nila, “Ilang taon na akong nananampalataya sa Diyos; kung hihinto ako ngayon, hindi ba’t masasayang lang ang pananampalataya ko?” Sa puntong iyon, nag-aatubili silang sumuko. Ngunit kung magpapatuloy sila sa pananampalataya, hindi naman sila interesado sa katotohanan. Palaging tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang tungkol sa paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad, ang tungkol sa pagpapasakop sa Diyos, paghahanap sa katotohanan, at pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Sawa na silang marinig ang tungkol sa mga bagay na ito at ayaw na nilang marinig pa ang mga ito. Lalo na kapag tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang tungkol sa pagsasagawa sa katotohanan, nababagabag at nasasaktan ang kanilang kalooban; kapag nababanggit ang mga positibong bagay, nakakaramdam sila ng pagtutol at hinahamak nila ang mga ito sa kanilang puso, at ayaw nilang makinig. Ang ilang tao, sa sandaling matanto nila na hindi nila makakamit ang katotohanan o ang isang magandang destinasyon kahit na manampalataya sila hanggang sa huli, ay humihinto na lang sa pananampalataya. Ang ilan sa kanila ay naghahanap ng trabaho o nagnenegosyo, at ang ilan ay umuuwi para mag-asawa. Humihinto sila sa pananampalataya sa Diyos dahil hindi nila minamahal ang katotohanan. Palaging nagsasalita ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan at nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, na partikular nilang tinututulan. Ipinapakita nito na ang ganitong uri ng tao ay walang konsensiya at katwiran, at walang kakayahang kumilatis ng tama sa mali. Ang kawalan ng kakayahang kumilatis ng tama sa mali ay nangangahulugan na sa kanilang pagkatao, wala silang pamantayan at kakayahang tukuyin ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay; ito ay isang bagay na wala sila. Kaya, mayroon bang normal na pagkatao ang ganitong uri ng tao? (Wala.) Sila ay mga di-tao. Kung tunay na may pagkatao ang isang tao, isang bagay ang makakapagpatunay nito: Minamahal at hinahangad niya ang mga positibong bagay sa kanyang puso. Kahit sa panahong hindi niya nauunawaan ang katotohanan, inaasam niya ang isang makatarungang lipunan na malaya sa kadiliman, inaasam ang mga positibong bagay, at inaasam na manaig ang katotohanan. Ngunit hindi ibinibigay ng masamang lipunang ito ang espasyong ito para sa kanya, at ang mga tao ay itinatakwil at sinusupil kung may ibubunyag silang isang bagay na positibo. Sa ilalim ng ganitong mga sitwasyon, hindi makakamit ng mga taong may pagkatao ang mga positibong bagay na gusto at inaasam nila, kaya nababagabag sila sa kanilang puso. Ngunit pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikinig sa mga sermon, nauunawaan nila ang maraming katotohanan, at ang mga katotohanang ito ay naaayon at tumutugma sa mga positibong bagay na minamahal ng kanilang pagkatao, na tiyak na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan para sa mga positibong bagay. Samakatwid, mas lalo pang inaasam ng kanilang puso ang mga positibong bagay. Bagama’t hindi nila lubusang maisasagawa ang katotohanan ngayon—dahil sa mga limitasyon ng kapaligiran, sa kanilang mababang tayog, o sa pagiging limitado at pagkakagapos ng ilang partikular na tiwaling disposisyon—taglay pa rin nila ang kapasyahan at pagnanais na balang araw ay lubusang makapagsagawa ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at sa gayon ay makamit ang pagpapasakop sa mga salita ng Diyos at matugunan ang kanilang mga pangangailangang nagmumula sa kanilang pagmamahal sa mga positibong bagay. Ang gayong mga tao ay yaong ang pagkatao ay nagtataglay ng katangian na makakilatis ng tama sa mali; sila ay mga taong may pagkatao. Kung sinasabi mo lang na minamahal mo ang mga positibong bagay at kinikilala mo sa salita na mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos, ito ay pagsasalita lamang ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan. Ang pagsasabi ng magagandang salita at mga tamang teorya, o pagbigkas ng matatayog na salita—kayang gawin iyan ng sinuman. Hindi nito ipinapakita na tunay mong minamahal ang mga positibong bagay. Ngunit kung, kapag naririnig mo ang katotohanan, kaya mo itong mahalin at asamin, at habang mas naririnig mo ang katotohanan ay mas inaasam mo ito at mas lumalakas ang iyong sigla na hanapin ito, at mas tumitibay ang iyong pananalig sa pagsunod sa Diyos at pagkamit ng kaligtasan; at kung sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, nagkakaroon ng mga bunga ang iyong iba’t ibang paghahangad, ang iyong mga tiwaling disposisyon ay unti-unting naiwawaksi, at ang iyong mga kilos ng paglaban sa Diyos at paghihimagsik laban sa Diyos ay paunti nang paunti—kung gayon, ikaw ay isang taong nagmamahal sa mga positibong bagay, ikaw ay isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Ang gayong mga tao ay nagbubunga at nagkakaroon ng mga natatamo sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Mararamdaman mo na nagbago ka na, at na iba na ang iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan kaysa dati. Dati, naghimagsik ka laban sa Diyos at hindi ka nagpasakop sa Diyos, at hindi mo maisagawa ang katotohanan kahit sa napakaliliit na usapin. Ngunit sa pamamagitan ng mga taon na ito ng paghahangad, sa pamamagitan ng mga taon na ito ng paggawa ng iyong tungkulin, at sa pamamagitan ng iyong mga pagsisikap sa lahat ng aspekto, naunawaan mo na ang ilang katotohanan, at kapag nahaharap ka sa mga usapin, kaya mong hanapin ang katotohanan at maghimagsik laban sa mga pagnanais ng iyong laman. Sa ilang mahalagang usapin na kinasasangkutan ng mga prinsipyo, kaya mo ring sumunod sa mga prinsipyo at hindi kumilos ayon sa sarili mong kalooban, at kaya mong itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at itaguyod ang gawain ng iglesia. Nangangahulugan ito na mayroon kang partikular na tayog, na mayroon kang kaunting pagsasagawa at pagpasok sa paghihimagsik laban sa iyong sarili at pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan, at na ang iyong iba’t ibang tiwaling disposisyon ay nagbago na rin sa iba’t ibang antas. Ito ang pagpapamalas ng pagkilatis ng tama sa mali sa mga taong tunay na may pagkatao.
Ang mga taong walang kakayahang kumilatis ng tama sa mali ay maaaring gusto ring tanggapin ang katotohanan at handang hangarin ang kaligtasan, ngunit kapag nakakaharap sila ng mga bagay-bagay, hindi nila maisagawa ang katotohanan. Namumuhay pa rin sila ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, madalas na naghihimagsik laban sa Diyos at lumalaban sa Diyos nang wala man lang kamalayan na ginagawa nila ito. Naghimagsik sila laban sa Diyos sa ganitong paraan sampung taon na ang nakalipas, at sampung taon makalipas, kaya pa rin nilang gawin ito. Hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan. May dalawang dahilan para dito: Ang isa ay hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang katotohanan, at kumakapit lang sila sa sarili nilang pangangatwiran, sariling mga kasabihan, at sariling mga pananaw. Ang isa pa ay hindi talaga sila mga taong tumatanggap sa katotohanan. Anumang paraan ang ginawa nila sa paghihimagsik laban sa Diyos sampung taon na ang nakalipas, iyon pa rin ang paraan ng paggawa nila nito sampung taon makalipas, nang walang pagbabago. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, wala silang patotoo ng pagtanggap sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos, lalong wala silang anumang patotoo ng paghihimagsik laban sa laman at sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ipinapakita nito na hindi sila mga taong tumatanggap sa katotohanan. Ang gayong mga tao ay hindi yaong mga kumikilatis ng tama sa mali. Masasabi ring hindi sila mga taong may pagkatao—sa madaling salita, hindi sila mga tao. Ang ilang tao, pagkatapos marinig ang mga salitang ito, ay hindi makumbinsi sa kanilang puso. Sinasabi nila, “Mahigit sampung taon na akong nananampalataya sa Diyos at palagi kong ginagawa ang aking tungkulin. Sadya lamang na paminsan-minsan ay nagkakamali ako at sumasailalim sa ilang pagpupungos. Hindi ba’t normal lang iyon? Lahat ay may mga tiwaling disposisyon; sino ba ang hindi nagkakamali? Ano’t anuman, ako ay isang tunay na mananampalataya. Paano Mo nasasabi na wala akong pagkatao?” Totoo na ikaw ay isang tunay na mananampalataya, ngunit ang pagiging isang tunay na mananampalataya ba ay nangangahulugan na kaya mong tanggapin ang katotohanan? Ang pagiging isang tunay na mananampalataya ba ay nangangahulugan na kaya mong maghimagsik laban sa laman at na hindi ka kikilos nang sutil? Ang pagiging isang tunay na mananampalataya ba ay nangangahulugan na kaya mong magpasakop sa Diyos? Hindi. Hindi sapat ang pagiging isang tunay na mananampalataya lamang, at hindi ito nangangahulugan na makakamit mo ang kaligtasan. Ang pagkamit ng kaligtasan ay kritikal na nakasalalay sa kung kaya bang tanggapin ng iyong pagkatao ang katotohanan, at kung kaya mo bang kumilatis ng tama sa mali. Ang pagiging isang tunay na mananampalataya ay hindi ang pinakamahalagang kondisyon para makamit ng mga tao ang kaligtasan sa huli, at hindi rin ito isang pangunahing kondisyon. Sinasabi mo na ikaw ay isang tunay na mananampalataya, ngunit gaano karaming katotohanan na ba ang naunawaan at nakamit mo? Pagdating sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa ilang pagkakataon mo na ba itinaguyod ang mga ito? Kung inaakala mo na ikaw ay isang tunay na mananampalataya, na mayroon kang konsensiya at pagkatao, at na ikaw ay isang tunay na tao, kung gayon, sa parehong usapin, kung kaya mong maghimagsik laban sa Diyos sampung taon na ang nakalipas, kaya mo pa rin bang maghimagsik laban sa Diyos ngayon? Nagbago ka na ba? Naghimagsik ka na ba laban sa laman? Kung hindi ka pa naghihimagsik laban sa laman, magagawa mo ba ito sa susunod na sampung taon? Kung hindi mo pa rin kayang maghimagsik laban sa laman at kaya mo pa ring maghimagsik laban sa Diyos, ipinapakita nito na may problema sa iyong pagkatao. Hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, kaya kahit na sabihin mong ikaw ay isang tunay na mananampalataya, walang silbi ito. Sinasabi mo na handa kang magdusa at magbayad ng halaga, at handa kang gawin nang may debosyon ang iyong tungkulin, ngunit walang halaga ang kahandaang ito. Isa lamang itong rekisito para maisagawa mo ang katotohanan at makapagpasakop ka sa Diyos, ngunit kung maisasagawa mo ba ito sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon ka bang pagkatao. Kung ang iyong puso ay habambuhay na hindi kayang pigilan at kontrolin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at pinipili mong itaguyod ang iyong sariling mga interes, at pinipili mo ang mga negatibong bagay sa halip na mga positibong bagay, ipinapakita nito na hindi minamahal ng iyong pagkatao ang katotohanan at wala itong kakayahang kontrolin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kung wala kang kakayahang kontrolin ang mga pagbubunyag ng iyong mga tiwaling disposisyon noong hindi mo pa nauunawaan ang katotohanan, iyon ay mapapatawad. Ngunit iba na ngayon. Maraming taon ka nang nakikinig sa mga sermon tungkol sa katotohanan, subalit hindi mo pa rin kayang pigilan ang iyong mga tiwaling disposisyon para makapagsagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo at makagawa ng mga tamang pagpili kapag nakakaharap ka ng mga bagay-bagay. Malinaw mong nakikita ang masasamang tao na ginugulo ang gawain ng iglesia, subalit hindi mo kayang tumindig para ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ngunit kapag may pumipinsala sa iyong sariling mga interes, nagagawa mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para ipagtanggol ang mga ito. Sapat na ito para patunayan na walang konsensiya o katwiran sa iyong pagkatao para pamahalaan at supilin ka upang piliin mo ang tamang landas at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung gumagawa ka ng gayong mga di-makatwirang bagay subalit sinasabi mo pa ring ikaw ay tao, ipinapakita nito na hindi na gumagana ang iyong konsensiya at katwiran. Kung gayon, hindi ka isang normal na tao, dahil sa iyong pagkatao, walang konsensiya at katwiran, ni anumang bagay na makapagbibigay-kakayahan sa iyo na gumawa ng mga tamang pagpili. Nauunawaan mo ba? Sinasabi ng ilang tao, “Mababa ang tayog ko ngayon. Dahil sa kapaligiran ng aking pamilya at sa pagpapalaki sa akin, ako ay sutil, mapagpalayaw sa sarili, at puno ng pride. Ngunit sa totoong buhay, alam ko kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, at alam ko kung ano ang dapat kong gawin at kung ano ang hindi ko dapat gawin. Sadya lamang na dahil mababa ang aking tayog at wala pang sinumang nakakaunawa sa katotohanan na nagbigay-liwanag, nangasiwa at humimok sa akin, hindi ko naisagawa ang katotohanan at nakagawa ako ng ilang pagsalangsang, at medyo nagsisisi ako sa kalooban ko.” Sa totoong buhay, kayang gamitin ng gayong mga tao ang kanilang konsensiya para pamahalaan ang kanilang asal, at para pigilan ang kanilang sarili upang lumakad sila sa tamang landas. Sila ay mga taong maaaring maligtas. Ito ay dahil kaya nilang tanggapin ang katotohanan, kayang isagawa ang ilang katotohanan, at sumailalim na sila sa ilang pagbabago. Medyo mas mabagal lang ang bilis ng kanilang pag-usad kaysa sa karaniwan, at medyo hindi gaanong malawak ang kanilang paglago, ngunit sila ay nagbabago. Katulad lang ito ng kung paanong ang ilang binhi ay mabilis na tumutubo sa matabang lupa, habang ang iba ay mas mabagal tumubo at mas nahihirapang tumubo sa buhangin o sa mga siwang ng bato; ngunit hangga’t may buhay sa mga ito, tutubo ang mga ito. Ganoon din sa mga tao. Hangga’t taglay ng kanilang pagkatao ang konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga tao, pinatutunayan nito na mayroon silang buhay ng tao—pagkatapos nilang tanggapin ang katotohanan, sila ay magbabago. Kahit na mabagal ang pagbabago—ang iba ay malaki ang nagiging pag-usad sa loob ng sampung taon habang sila ay kaunti lamang ang pag-usad sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon—sa kabila ng kabagalan, sila ay umuunlad sa isang positibong direksyon, sila ay nagbabago, at ang kanilang buhay ay patuloy na lumalago. Gaano man sila kabilis o kabagal na lumago, ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng katangian ng pagkatao. Gayumpaman, may isa pang uri ng tao na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ngunit walang natatamong paglago sa buhay. Sinuman ang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, nakakaramdam sila ng pagtutol at ayaw nilang makinig. Anumang kapaligiran ang ihanda ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan at hindi sila natututo ng mga aral mula rito, at hindi sila nakakakuha ng positibong gabay at tulong mula rito. Tutol sila sa mga positibong bagay sa kanilang puso. Ang kanilang disposisyon at paraan ng pamumuhay na gawin ang anumang gusto nila ay hindi kailanman nagbago. Ang gayong mga tao ay yaong mga walang konsensiya at katwiran. Hindi sila tao—sila ay mga di-tao. Habang ipinapaliwanag Ko ito sa ganitong paraan, nagiging mas malinaw at mas madaling maunawaan ba ito para sa inyo? (Oo.)
May isa pang uri ng tao: Alam nila na mabuti ang manampalataya sa Diyos, ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay; bukod pa rito, malayong-malayo sila sa paggamit ng kanilang konsensiya para pamahalaan o pigilan ang kanilang pananalita at mga kilos. Ang gayong mga tao ay mas madaling kilatisin. Malayong-malayo sila sa pagmamahal sa mga positibong bagay, at hindi rin sila malapit sa pag-unawa sa kahulugan ng mga bagay-bagay. Ang lahat ng ito ay magulo para sa kanila. Kung tatanungin mo sila kung ano ang mga positibong bagay, magsasalita sila ayon sa mga doktrina at sasabihin nila na ang sinasabi at ginagawa ng Diyos ay pawang mga positibong bagay. Magandang pakinggan ang sinasabi nila, ngunit kapag nakakaharap sila ng mga bagay-bagay, hindi nila maiugnay ang mga ito sa mga salita ng Diyos o makilatis ang mga ito; nagiging lutang ang kanilang isipan, nagiging magulo ang pag-iisip nila at wala silang kalinawan tungkol sa anumang bagay. Kung tatanungin mo sila kung anong mga katotohanan ang nakamit nila mula sa kanilang pananampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, sasabihin nila, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, lahat ng ginagawa Niya para sa tao ay mabuti, at mahal ng Diyos ang tao. Nilalabanan ni Satanas ang Diyos, at pinipinsala, inuusig, at inaabuso ni Satanas ang tao.” Kung tatanungin mo sila kung ano pa ang nakamit nila, sasabihin nila, “Dapat nating gawin nang maayos ang ating tungkulin, dapat tayong magdusa nang higit pa at magbayad ng mas malaking halaga.” Kung tatanungin mo naman sila kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin sa paggawa ng kanilang tungkulin, sasabihin nila, “Dapat tayong makinig sa anumang sabihin ng mga nakatataas at dapat nating gawin ang anumang ipinapagawa sa atin. Kahit pa marumi at nakakapagod ang gawain, dapat natin itong gawin nang maayos; hindi tayo dapat manggambala at manggulo o magdulot ng problema. Dapat tayong gumawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa lahat at sa sambahayan ng Diyos.” Lahat ng doktrinang ito na sinasabi nila ay tama, walang kahit isang maling salita sa mga ito. Gayumpaman, kapag nakakaharap sila ng mga bagay-bagay, wala silang ibinubunyag kundi ilang baluktot at hangal na pananaw, at kahit ilang beses mo silang itama, hindi nila kayang magbago. Anong uri ng mga hamak na nilalang ang gayong mga tao? (Sila ay mga taong magulo ang isip.) Ang mga tao bang magulo ang isip ay mga tao? (Hindi.) Ano ang mga taong magulo ang isip? (Mga halimaw.) Ang sibilisadong salita ay “hayop,” at ang kolokyal na termino ay “halimaw.” Gaano man karaming sermon ang pakinggan nila, hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, kung ano ang mga positibong bagay, o kung ano ang mga negatibong bagay. Gaano man karaming bagay ang gawin nila na naghihimagsik laban sa Diyos, wala silang kamalayan dito sa kanilang puso at nararamdaman pa rin nila na sila ay likas na mabait at may pusong nakikisimpatiya. Kapag nakakakita sila ng isang taong nagdurusa, nakakaramdam sila ng pasakit sa kanilang puso at nais nilang sila na lang ang magdusa imbes na ang taong iyon. Kapag nakakakita sila ng isang taong walang makain o maisuot, gusto nilang ibigay rito ang sarili nilang damit at pagkain. Gaano man karami ang pakinggan nilang mga salita ng Diyos na naglalantad sa katiwalian ng sangkatauhan, nararamdaman pa rin nila na sila ay napakabuti, mas mabuti kaysa kaninuman. Gaano man karaming maling bagay ang gawin nila, hindi nila alam kung saan sila nagkamali, at hindi nila kailanman inaamin na mayroon silang tiwaling disposisyon. Kung tatanungin mo sila, “Ikaw ba ay isang tiwaling tao? Mayroon ka bang tiwaling disposisyon?” Sasabihin nila, “Oo, mayroon. Lahat ng tao ay may katiwalian, kaya puwede bang wala ako? Nagsasalita ka ng mga hangal na salita!” Tinatawag ka pa nilang hangal. Ngunit kapag may ginagawa silang mali, hindi nila ito inaamin, at ipinapasa pa nila ang sisi sa iba. Anumang mali ang gawin nila, hindi nila ito inaamin, at gaano man kalubha ang masasamang gawang ginagawa nila, palagi silang may mga dahilan at katwiran para pangatwiranan ang kanilang sarili. Mayroon bang anumang katwiran ang gayong mga tao? Sila ba ay mga taong kayang kumilatis ng tama sa mali? (Wala silang katwiran at hindi nila kayang kumilatis ng tama sa mali.) Tila nagsisikap sila nang husto araw-araw, nakikinig sa mga sermon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos mula bukang-liwayway hanggang dapithapon, ngunit hindi nila maunawaan ang kahit isang pangungusap ng katotohanan, hindi sila makagawa ng kahit isang bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi makapagsalita ng kahit isang salita na naaayon sa katotohanan. Lalo na ng mga salitang naaayon sa katotohanan—hindi man lang sila makapagsalita ng isang salita na naaayon sa konsensiya at katwiran ng pagkatao; nagsasalita lamang sila ng magugulo at walang-katuturang mga salita, at nagbubulalas lamang ng mga baluktot na argumento. Talagang kulang na kulang sa konsensiya at katwiran ang gayong mga tao; sila ay mga taong magulo lang ang isip, na puno ng baluktot na pangangatwiran. Pagkatapos makinig sa maraming sermon, kaya na nilang magsalita ng ilang espirituwal na salita. Kapag naririnig mo silang magsalita ng mga espirituwal na salita, pakiramdam mo ay bihasa at mahusay silang magsalita, ngunit pagdating sa pangangasiwa ng mga usapin, matutuklasan mong sila ay parehong magulo ang isip at walang-katuturan. Kapag nagbubulalas sila ng mga baluktot na argumento, maaaring hindi ka makapagsalita. Ano ang ibig sabihin ng “hindi ka makapagsalita”? Ibig sabihin nito ay hindi mo maisip na may isang taong makakapagsabi ng gayong mga walang-katuturang salita o magkakaroon ng gayong paraan ng pag-iisip, na ito ay sadyang hindi mo lubos maisip, at na, sa huli, maaari mo lamang silang tugunan ng pananahimik, na siyang pinakamahusay na paraan upang harapin sila.
Kung ang isang tao ay tao at nagtataglay ng normal na pagkatao, napakahalaga ng kakayahang makilatis ang tama sa mali. Kapag hindi pa siya nakakatanggap ng pagtustos ng mga salita ng Diyos at hindi niya nauunawaan ang katotohanan, magagamit niya ang kanyang konsensiya at katwiran para maunawaan ang ilang simpleng positibo at negatibong bagay. Mayroon siyang ilang abilidad na kumilatis at mag-isip pagdating sa ilang positibo at negatibong bagay na nakakaharap niya sa totoong buhay. Nagagawa niyang magkaroon ng kaunting pagkilatis sa mga bagay na saklaw ng simpleng sentido komun ng tao, sa mga batas ng pananatiling buhay ng tao, at sa ilang tao, pangyayari, at bagay na madalas niyang nakakaharap. Hindi siya isang taong namumuhay nang magulo ang isip, kundi may mga abilidad siyang kumilatis at mag-isip pagdating sa mga positibo at negatibong bagay sa mundo ng mga tao, at siyempre, mayroon din siyang mga partikular na kaisipan, paninindigan, at tamang saloobin sa mga bagay na ito. Pagkatapos ng edad na tatlumpu, unti-unting nagsisimulang makaharap ng gayong mga tao ang iba’t ibang usapin sa buhay. Kahit na hindi pa nila nababasa ang mga salita ng Diyos o natatanggap ang pagtustos ng mga salita ng Diyos, pagsapit nila sa edad na singkuwenta o sesenta, unti-unti na nilang nabubuod kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, at pagkatapos ay namumuhay sila ayon sa mga positibong bagay na iyon na kaya nilang maarok, at sinusunod nila ang ilang batas ng mga positibong bagay. Tungkol naman sa ilang negatibong bagay, bukod sa nagagawa nilang kilatisin ang mga ito, kaya rin nilang layuan ang mga ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Kapag wala silang pagpipilian kundi ang sumunod sa mga makamundong kalakaran o sa ilang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga kasabihang kumakalat sa mga tao, nararamdaman nilang nilalabag nila ang kanilang konsensiya, at uusigin sila ng kanilang konsensiya. Mula sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi nila tinatanggap ang gayong mga pananaw; kumikilos lamang sila sa ganitong paraan alang-alang sa pananatiling buhay o pansamantalang mga pakinabang. Hindi nila orihinal na intensyong gawin ang mga bagay na ito; sa halip, isa itong pagpiling ginawa nang labag sa kanilang kalooban. Pagkatapos manampalataya sa Diyos ng gayong mga tao, mas pinagtutuunan nila ng pansin kung ano mismo ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol sa lahat ng uri ng isyu, tulad ng mga nauukol sa buhay at pananatiling buhay ng tao, kung ano mismo ang mga tumpak na pahayag ng Diyos patungkol sa mahihirap na problema sa buhay ng tao, at kung ano mismo ang hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao kapag nahaharap sila sa mga ito. Inaasam nila ang mga sagot sa mga tanong na ito. Kapag natatanggap nila ang mga sagot, hindi nila nararamdaman na ang pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos ay masyadong mahirap o masyadong salungat sa mga pangangailangan ng pagkatao. Sa halip, nararamdaman nila na tanging ang mga katotohanang ito ang tamang daan, ang dapat taglayin at makamit ng mga tao, at ang wangis na dapat taglayin ng mga tao sa buhay. Nararamdaman nila na kung mamumuhay ang mga tao sa ganitong paraan, tunay nitong matutugunan ang mga pangangailangan ng kanilang konsensiya at pagkatao, at na sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan nila hindi nilalabag ang kanilang kalooban, at saka lamang sila makakaramdam ng kapanatagan at magkakaroon ng kagalakan at kapayapaan. Nararamdaman din nila na saka lamang magkakaroon ng pag-asa ang mga tao at magiging handang patuloy na mabuhay, at saka lamang sila makakalaya mula sa iba’t ibang masasamang puwersa, iba’t ibang masasamang kalakaran, at sa hungkag na kalagayan kung saan namumuhay ang sangkatauhan. Sa ilalim ng impluwensiya ng kanilang konsensiya sa kaibuturan ng kanilang puso, gusto nila ang iba’t ibang pahayag, turo, at pagtustos na nasa mga salita ng Diyos, at niyayakap nila ang mga ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Mayroon silang pagnanais na hangaring makamit ang katotohanan. Bukod dito, habang mas lalong ipinapahayag ang mga salita ng Diyos, at habang ang pagtustos ng mga salita ng Diyos ay nagiging mas lalong praktikal at detalyado, ang kanilang pananabik para sa katotohanan at para sa mga positibong bagay ay lalong natutugunan. Hindi sa habang mas nakikinig sila ay mas lalo silang hindi mapakali, mas lalo nilang nararamdaman na ito ay sobrang detalyado, o mas lalo silang naguguluhan. Sa kabaligtaran, habang mas nakikinig sila, mas tila nagiging malinaw ang mga bagay-bagay, at mas nararamdaman nilang natatarok nila ang mga bagay-bagay at mayroon silang landas. Nararamdaman nila na may pag-asa sa hinaharap, na nakikita nila ang liwanag at may landas sila para isagawa ang katotohanan at makamit ang kaligtasan. Ang kanilang puso ay mas lalong nakakaramdam ng kapanatagan, at mas lalo nilang nararamdaman na tama ang landas ng pananampalataya sa Diyos, at na ang halagang ibinayad nila at ang lakas at dugo ng puso na ginugol nila, bawat araw hanggang ngayon sa pananampalataya sa Diyos, ay naging sulit at makabuluhan. Ito ay pinagtitibay sa kaibuturan ng kanilang puso. Bagama’t natupad na ang kanilang kahilingan, at medyo napawi na ang kanilang pananabik para sa katotohanan, ang mga taong tunay na nananabik sa katotohanan ay magiging determinado at gagawa ng mga plano, hinihingi sa kanilang sarili na isagawa at pasukin ang lahat ng aspekto ng katotohanan, ipatupad ang mga salita ng Diyos, ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, at ang iba’t ibang hinihingi ng Diyos sa kanilang sarili, tinutulutan ang mga salita ng Diyos na maging pamantayan para sa kanilang mga kilos at sariling asal sa totoong buhay, at maging kanilang buhay realidad. Dati, noong hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan, nakapagsasalita lamang sila ng ilang salita at doktrina. Kapag nakakaharap sila ng mga bagay-bagay, nasa isang panig lang ang pananaw nila sa mga ito, tulad sa parabula ng mga bulag na tao at ng elepante; hindi nila makita ang diwa ng problema at hindi nila alam kung ano ang gagawin. Pakiramdam nila ay labis na nakakabagot ang buhay, na walang mga layong pagsusumikapan at walang pag-asa, at namumuhay sila nang magulo ang isipan. Ngunit ngayon ay iba na. Ang mga salita ng Diyos ay binibigkas nang mas lumilinaw, at ang katotohanan ay ibinabahagi nang mas lumilinaw. Nararamdaman nila na ang landas ay nagiging mas maliwanag at mas malinaw, at na may daan pasulong. At mayroon silang mga salita ng Diyos na susundin bilang batayan para sa bawat salitang binibigkas nila, bawat bagay na ginagawa nila, at bawat uri ng taong nakakaharap nila. Nararamdaman nila na ang mga salita ng Diyos ay napakapraktikal at napakabuti, at pinagtibay nila na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang daan, na ang pananampalataya sa Diyos ay maaaring humantong sa kaligtasan, at na ang pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan ay makapagbibigay-kakayahan sa kanila na isabuhay ang isang wangis ng tao, at na ito ay napakamakabuluhan at napakahalaga! Habang inaasam at isinasagawa ang mga katotohanan, patuloy rin silang pumapasok sa mga katotohanang ito at patuloy na umaani ng magagandang bunga. Habang natutugunan ang pananabik at pangangailangan para sa mga positibong bagay ng kanilang konsensiya at pagkatao, unti-unti ring nagbabago ang kanilang buhay. Bagama’t madalas silang nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon at naghihimagsik laban sa Diyos, at madalas—kahit labag sa kanilang kalooban—ay kumikilos sila ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, sa kanilang laman, at sa kanilang mga hangal at walang-katotohanang kaisipan at pananaw kapag nakakaharap sila ng mga bagay-bagay, kasabay nito ay mayroon ding isang magandang penomenon: Kapag ginagawa nila ito, ang kanilang konsensiya ay madalas na hindi mapalagay, at nararamdaman nilang ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay malalim na nakaugat at mahirap baguhin. Pagkatapos, sa ilalim ng impluwensiya ng kanilang konsensiya, madalas silang inuusig ng kanilang konsensiya sa kanilang puso, nakakaramdam ng pagkakasala at pagsisisi. Madalas nilang pinagninilayan kung saan mismo sila nagkamali, at madalas silang nagsisisi. Ang lahat ng ito ay mga epekto ng konsensiya. Kung may konsensiya ang mga tao, magkakaroon sila ng mga damdaming ito at ng mga pagpapamalas na ito; kung may konsensiya ang mga tao, ganito sila mamumuhay, madalas na nagninilay sa kanilang sarili, at madalas na nagsisisi at nagbabago ng landas. Bagama’t madalas silang nahaharap sa mga kabiguan at problema, at madalas na nahaharap sa pagpupungos, paghatol at pagkastigo dahil sa paggawa ng mali, dahil madalas silang nagsisisi at nagbabago, nananatiling pareho ang kanilang layon na hangarin ang katotohanan, at sa huli, magkakaroon sila ng magandang resulta at magandang ani. Madalas silang nakakaramdam ng pag-uusig at pagkakasala, at madalas silang nagbabago ng landas at nagsisisi. Isa itong magandang penomenon—ipinapakita nito na nasa tamang landas na sila, at sa huli ay magkakaroon sila ng mga tunay na pakinabang. Sa isang banda, medyo nabawasan na ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at nabawasan na ang kanilang paghihimagsik laban sa Diyos. Dati, kapag nakakaharap sila ng mga bagay na hindi naaayon sa kanilang mga kuru-kuro, nagrereklamo sila, ngunit ngayon ay hindi na sila nagrereklamo at kaya na nilang hanapin ang katotohanan; alam nilang ang pagtrato sa Diyos at sa gawain ng Diyos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ay baligho, katawa-tawa, at hindi tama. Dagdag pa rito, bagama’t dati ay nagiging negatibo sila kapag nakakaharap ng mga paghihirap, ngayon ay hindi na sila negatibo; kaya na nilang harapin ang mga ito nang tama at magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Bagama’t kung minsan ay maaaring maging negatibo sila, hindi nito naaapektuhan ang paggampan sa kanilang tungkulin, at naging deboto na sila sa paggawa ng kanilang tungkulin. Sasabihin sa kanila ng kanilang konsensiya na tama ang paggawa nito. Kapag kumikilos sila sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng kapayapaan sa kanilang puso at walang pagkaramdam ng akusasyon, at lalo nilang mararamdaman na ganito sila dapat kumilos. Habang lalo silang nagsasagawa sa ganitong paraan, lalo nilang natatanto ang kahalagahan ng paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay, at lalo nilang nararamdaman na dapat nilang hanapin ang katotohanan at dapat silang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, na tama ang landas na ito, at na ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nagbubunga ng mga pakinabang. Kapag may gayong mga pakinabang ang mga tao, natutuklasan nilang nagbabago ang kanilang ugnayan sa Diyos, na nagbabago ang buhay sa kanilang kalooban, at na ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay lalong humihina ang kapit, na nababawasan ang paggapos at paglilimita ng mga disposisyong ito sa kanila; natutuklasan din nila na ang kanilang pagnanais na hangarin ang katotohanan at ang kanilang pag-aasam para dito ay lalong lumalakas, at na ang kanilang lakas para isagawa ang katotohanan at pagtagumpayan ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay tumitindi rin. Sa ganitong paraan, magkakaroon ang mga tao ng isang partikular na uri ng pakiramdam, na may pag-asa para sa kanila na iwaksi ang mga tiwaling disposisyon at makamit ang kaligtasan, na tama ang landas na kanilang tinatahak, at na tama ang pagtanggap, pagsasagawa, at pagpapasakop sa katotohanan. Ito ang saloobin sa katotohanan ng mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng pagkatao. Ito ang pagpapamalas na taglay ng mga tao habang unti-unti nilang tinatanggap ang katotohanan. Ito ang pinakanormal na pagpapamalas. Para sa mga hindi nagtataglay ng pagpapamalas na ito, ang kanilang konsensiya ay hindi makakaganap ng anumang tungkuling magkontrol—iyon ay sa pinakamababa. Kung may konsensiya ka, tiyak na gaganap ng tungkuling magkontrol ang iyong konsensiya. Kung hindi makakaganap ng tungkuling magkontrol ang iyong konsensiya, ang konsensiya mong iyan ay hindi isang konsensiya—wala kang konsensiya. Kung may konsensiya ang mga tao, magagawa nilang makilatis ang tama sa mali, makilatis ang mga positibong bagay mula sa mga negatibong bagay, at pipiliin nila ang mga positibong bagay at tatalikuran ang mga negatibong bagay. Kung may konsensiya ang mga tao at nakakakilatis ng tama sa mali, pipiliin nilang tumanggap, magsagawa, at magpasakop sa katotohanan, at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi nila isasagawa ang katotohanan sa pagkakataong ito, uusigin sila ng kanilang konsensiya, at kung hindi nila isasagawa ang katotohanan sa susunod na pagkakataon, uusigin silang muli. Kung may pagkaramdam ka ng konsensiya at nauunawaan mo ang tama sa mali, dahil nakarinig ka na ng napakaraming katotohanan, kapag paulit-ulit kang gumagawa ng mali, lalo ka pang uusigin at aakusahan ng iyong konsensiya, at magagawa mong magpasakop sa pagkaramdam ng iyong konsensiya at gawin ang tamang pasya. May ilang taong nagsasabi, “Inuusig din ako ng konsensiya ko kapag gumagawa ako ng mali, pero kahit inuusig na ako sa loob ng sampu o dalawampung taon, ayaw ko pa ring piliing isagawa ang katotohanan.” Kung gayon, sinasabi Ko na ang konsensiya mong iyan ay hindi isang konsensiya. Sinasabi mong pakiramdam mo ay inuusig ka ng iyong konsensiya, pero sa loob ng napakaraming taon ay hindi mo nagawang magbago ng landas o magsisi, at ang tinatawag mong konsensiya ay nabigong ituwid ka para piliin mo ang tamang landas. Kung gayon, ang iyong konsensiya ay hindi isang konsensiya, at wala kang pagkatao. Sinasabi mo, “Alam ko kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto—paano Mo nagagawang sabihin na wala akong konsensiya?” Nangangahulugan lang iyan na masyadong matigas ang iyong kalooban, at hindi na gumagana ang iyong konsensiya. Kung tunay kang nagtataglay ng konsensiya ng pagkatao, kapag gumagawa ka ng mali at inuusig ka ng iyong konsensiya, magkakaroon ng pagkiling sa positibo ang iyong pagkatao, at aakusahan ka ng iyong konsensiya mula sa loob, sasabihang, “Mali ito, labis itong walang pagkatao!” Kung palagi ka nitong inuusig nang ganito, anong uri ka ng tao kung wala kang kamalayan dito? Tanging ang mga walang konsensiya ang walang ganitong kamalayan. Kung tunay kang may konsensiya, kapag inuusig ka ng iyong konsensiya, mananatili pa bang matigas ang kalooban mo? Kung sinasabi mo, “Inuusig na ako ng konsensiya ko sa loob ng sampu o dalawampung taon at wala akong naramdamang anuman na kakaiba,” kung gayon, hindi ka isang taong may konsensiya. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Wala kang konsensiya, subalit sinasabi mong mayroon kang pagkatao—hindi ba’t panlilinlang ito sa mga tao? Kung mayroon kang pagkatao, paanong wala kang konsensiya? Kung wala kang konsensiya, wala kang pagkatao. Isang palatandaan ng kawalan ng pagkatao ay ang hindi pagkaunawa kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay. Sinasabi mong mayroon kang konsensiya, kaya bakit hindi mo makilatis ang tama sa mali? Nakarinig ka na ng napakaraming sermon, kaya bakit hindi mo inaasam na hangarin ang katotohanan? Sinasabi mo, “Handa ang puso kong hangarin ang katotohanan, at handang isagawa ang katotohanan”—kung gayon, anong mga katotohanan ang naisagawa mo na? Nasaan ang ebidensiya? Kung minamahal ng iyong puso ang katotohanan at handa itong hangarin ang katotohanan, bakit hindi mo isinasagawa ang katotohanan? Hindi ba’t panlilinlang ito sa mga tao? Hindi ba’t tulad lang ito ng mga kasinungalingan ng isang manlilinlang? Tulad lang ito ng malaking pulang dragon, na palaging ipinoproklama na lahat ng ginagawa nito ay para paglingkuran ang mga tao at para bigyan sila ng kakayahang mamuhay nang maligaya, ngunit kapag nananampalataya ang mga tao sa Diyos at tinatahak ang tamang landas, galit na galit nitong inaaresto at inuusig sila. Hindi nito pinahihintulutan ang mga tao na sumunod sa Diyos, hindi sila pinahihintulutang tanggapin ang katotohanan at makamit ang kaligtasan—pinahihintulutan lamang sila nitong sundin ang Partido at sumunod sa mga utos nito, na umaakay sa kanila na mapunta sa impiyerno at maparusahan, na ikinatutuwa ng malaking pulang dragon. Kaya, ang mga salita ba ng malaking pulang dragon na “pinaglilingkuran nito ang mga tao” ay totoo o hindi? Palaging sinasabi ni Satanas na ang ginagawa nito ay para sa kapakinabangan ng mga tao, ngunit hindi nito kayang tustusan ang mga tao ng katotohanan, ni kayang gabayan ang mga tao papunta sa tamang landas sa buhay. Itinatanim lamang nito sa isipan ng mga tao ang mga maling paniniwala at maling kaisipan, na nag-uudyok sa kanila na magpakasasa sa buhay ng kalaswaan, na tahakin ang landas ng kasamaan, na hangarin ang mundo, hangarin ang kasikatan at pakinabang, at na labanan at pinsalain ang isa’t isa, hindi pinahihintulutan ang mga tao na tahakin ang tamang landas, at inaagaw ang mga tao mula sa panig ng Diyos. Sa huli, natatamo ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, ngunit ang kanilang mga katawan at isipan ay ganap na nawawasak; napupuno sila ng mga maling paniniwala at maling kaisipan ni Satanas, wala ang Diyos sa kanilang puso, at hindi na sila naniniwala na ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos. Nagsisimula silang itatwa ang Diyos at maging mapanlaban sa Kanya. Ginagawa ba ito ni Satanas para sa kapakinabangan ng tao? Hindi ba’t pamiminsala at pagwasak ito sa mga tao? Subalit ang mga taong hindi kayang makilatis ang tama sa mali ay hindi matarok ang mga bagay na ito.
May ilang taong nagsasabi, “Mayroon akong pagkatao at nakakakilatis ako ng tama sa mali, at mas may konsensiya ako kaysa sa karamihan ng tao.” Kung gayon, ihambing mo ang iyong sarili sa nilalamang ibinahagi ngayon at tingnan mo kung may konsensiya ka, kung kaya mong tanggapin at isagawa ang katotohanan, kung nakakaramdam ka ng pagsisisi at pagkakonsensiya kapag gumagawa ka ng mali, at kung tunay ka ngang nagsisi at nagbago. Kung wala ka ng mga pagpapamalas na ito ng buhay pagpasok, pinapatunayan nito na hindi gumana ang iyong konsensiya sa kabila ng napakaraming taon ng pakikinig sa mga sermon mula nang magsimula kang manampalataya sa Diyos. Ano ang nasa likod ng hindi paggana ng iyong konsensiya? Iisa lang ang dahilan na makakapagpaliwanag sa problemang ito: Ikaw ay isang taong walang konsensiya. May ilang taong nagsasabi, “Bagama’t wala akong buhay pagpasok, nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan.” Kung nauunawaan mo ang katotohanan, bakit hindi mo ito isinasagawa? Bakit wala ka pang naging anumang pagpasok? Paanong hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang iyong buhay? Nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo ito isinasagawa—nasaan ang iyong konsensiya? May ilang tao pa ngang nangangatwiran, “Napakaraming taon ko nang nananampalataya sa Diyos. Kung wala akong konsensiya, matatalikuran ko ba ang napakaraming bagay, makapagdurusa ba ako nang labis, at makakapagbayad ba ako ng napakalaking halaga? Magagawa ko bang gampanan ang aking tungkulin nang may pagkukusa?” Kung may konsensiya ka, ano ang epektong naidulot nito matapos mong makinig sa napakaraming katotohanan? Mapipigilan ka ba nito para kumilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Makokontrol ba nito ang iyong pag-uugali at ang iyong mga kaisipan? Nakarinig ka na ng mga sermon sa loob ng napakaraming taon, nakakapagsalita ka ng maraming doktrina, at nagtiis ka na ng napakaraming pagdurusa at nagbayad ng napakalaking halaga—kung gayon, bakit hindi gumaganap ng papel ang iyong konsensiya sa pagkontrol sa iyong pag-uugali, nag-uudyok sa iyong kumilos ayon sa mga prinsipyo, at pumipigil sa iyong labagin ang mga ito? Kung napakalaki ng iyong konsensiya at pagkatao, at napakarami mo nang naunawaang katotohanan, bakit hindi mo maisagawa ang mga ito? Paanong hayagan mong nalalabag ang mga prinsipyo at hayagang ginugulo ang gawain ng iglesia? Kung may konsensiya ka, nagbago na ba ang iyong buhay matapos mong gampanan ang iyong tungkulin sa loob ng napakaraming taon? Hindi ka nagbago, at wala kang anumang pagpasok sa katotohanan; ipinapakita nito na wala kang konsensiya. May ilang taong nagsasabi, “Magagawa ko ba ang aking tungkulin kung wala akong konsensiya?” Hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin; ikaw ay nagtatrabaho lamang. Ang pagtatrabaho ay hindi nangangailangan ng konsensiya; sapat na ang paggugol ng kaunting lakas. Tumpak nitong pinapatunayan ang kasabihan: Ang mga taong nagtatrabaho ay mga taong walang konsensiya; hindi nila hinahangad ang buhay pagpasok o ang katotohanan, at ang tanging hinahangad nila ay magtrabaho at handa silang gumugol ng pagsisikap. Ano ang mga katangian ng pagtatrabaho? Ito ay ang pagiging handang magtiis ng hirap at magbayad ng halaga, ang paghahanap ng sariling kagalakan, pagkaramdam ng pagiging importante, at halaga sa pagtitiis ng hirap at pagbabayad ng halaga, ang pagsubok na matugunan ang pagnanais para sa mga pagpapala at ang ambisyong makipagtawaran sa Diyos, at ang pagtatangkang makamit ang mga pagpapala kapalit ng kanilang pagdurusa at sakripisyo. Kung hihilingin mo sa kanilang gumugol ng pagsisikap sa gawain, magdusa ng hirap at magbayad ng halaga, punong-puno sila ng sigla para dito; ngunit kung hihilingin mo sa kanila na kumilos ayon sa mga prinsipyo at isagawa ang katotohanan, sila ay nananamlay, nalilito, at hindi alam kung paano magsagawa. Ang ilan pa nga ay nakakaramdam na napunta sila sa isang mahirap na kalagayan, iniisip nila, “Ayos lang kung hihilingin mo sa akin na gumugol ng pagsisikap, magdusa ng hirap, at magbayad ng halaga. Kaya kong tiisin ang anumang dami ng hirap, at hindi ako magrereklamo gaano man ako kapagod. Ngunit ang hilingin sa akin na kumilos ayon sa mga prinsipyo—hindi ba’t ginagawa niyong mahirap ang mga bagay para sa akin? Ang kakayahang gumugol ng pagsisikap, at magdusa ng hirap at magbayad ng halaga nang walang reklamo ay napakabuti na—bakit hinihiling mo pa sa akin na kumilos ayon sa mga prinsipyo? Masyadong mataas ang mga hinihingi mo sa mga tao! Hayaan mo ang mga tao na gawin ang gusto nila; hangga’t natatapos ang gawain, sapat na iyon. Kung hindi ito nagawa nang maayos, maitutuwid din naman ito sa paglipas ng panahon!” Handa lamang silang magtrabaho, at napakasigla nila kapag nagtatrabaho, ngunit nananamlay sila pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan, at lalo pa silang nalilito pagdating sa buhay pagpasok. Subalit inaakala pa rin nilang mabubuting tao sila. Madalas nilang sinasabi, “Ako ay isang taong may konsensiya at mabait ako. Ibinubuhos ko ang lahat ng lakas na mayroon ako sa paggampan ng aking tungkulin at hindi ako kailanman nag-aatubili. Kaya kong talikuran ang aking pamilya at karera para gugulin ang aking sarili para sa Diyos. Paano ako nagkaroon ng ganitong sigasig? Likas akong isang mabuting tao!” Ang totoo, wala silang nauunawaang anumang katotohanan, at lalong hindi nila kayang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang alam lang nila ay gumamit ng pisikal na lakas, subalit inaakala pa rin nilang mabuti sila. Kahit sa yugtong ito, wala pa rin silang anumang pagkaramdam sa kanilang konsensiya at katwiran. Kung tunay kang may konsensiya, paano lumabas sa bibig mo ang gayong mga baluktot na pangangatwiran? Paanong wala kang dalisay na pagkaarok sa katotohanan? Kung mayroon kang konsensiya at pagkatao, paanong hindi ka nakinig nang maigi sa mga salita ng Diyos, sa kung ano ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos para sa mga tao, at sa kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin sa bawat bagay na ginagawa mo? Kung nakikinig ka ngunit hindi mo nauunawaan, at manhid ka sa katotohanan, ikaw ay isang taong walang konsensiya at pagkatao. Sa tingin mo ba ay maipagpapalit mo ang iyong pisikal na lakas para sa katotohanan at buhay, para sa kaligtasan? Imposible ito; hindi umuubra ang landas na iyan. Kahit pa handa kang gumugol ng pagsisikap, magpakapagod nang may sinseridad, at kaya mong magdusa nang kaunti, at sa paningin ng mga tao ay medyo deboto ka, mahirap pa ring masabi kung kaya mo bang manatiling deboto hanggang sa wakas. Walang makakapagsabi kung kailan sasabog ang iyong mala-hayop na kalikasan, at magdudulot ka ng gulo at lilikha ng mga paggambala at panggugulo, at pagkatapos ay kakailanganin kang alisin. Hindi ba’t may ilang tao na pinaalis mula sa iglesia kamakailan? Ang mga taong tulad nito ay nagsasabi ng mga salitang napakagandang pakinggan, at sinumang makarinig sa kanila ay iisiping nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit sadyang hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Nagsasabi sila ng mga bagay na magandang pakinggan ngunit hindi gumagawa ng tunay na gawain. Hindi lamang nila sinasalungat ang mga tao, kundi sinasalungat din nila ang sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t paglaban ito sa Diyos? Matatanggap ba sila ng sambahayan ng Diyos? Kung handa silang gampanan ang kanilang tungkulin, dapat nila itong gawin nang may pagpapasakop at ayon sa mga alituntunin, ngunit hindi nila ginagawa iyon. Nagsisikap silang mamuno at magkaroon ng kapangyarihan, at nagdudulot pa nga sila ng mga panggugulo at paninira. Hanggang saan ang idinudulot nilang panggugulo? Kahit na may ginagawa Ako, sinusubukan nilang makialam, punahin ito at iyon, at humadlang at manggulo. Sinusubukan nilang guluhin ang Aking mga kilos—magagawa Ko ba silang kaawaan? Kung ginugulo mo lamang ang Aking personal na buhay, maaari kitang isantabi at huwag pansinin, ngunit gumagawa Ako ng gawain sa sambahayan ng Diyos, gumagawa ng ilang tunay na gawain para sa hinirang na mga tao ng Diyos, at sinusubukan mo pa ring guluhin at sirain ito. Ano ang problema rito? Ano ang dapat gawin sa gayong tao? (Dapat siyang alisin.) Ang sambahayan ng Diyos ay may mga prinsipyo sa pangangasiwa sa mga tao, at ang gayong mga tao ay dapat alisin. May ilang taong nagsasabi, “Naagrabyado ako! Hindi ko alam na pagsalungat ito sa Iyo. Hindi ko alam na pagsuway ito sa Itaas at pagsuway sa Diyos. Hindi ko ito sinadya.” Ang katunayang nagawa mo ang gayong bagay ay nagpapakitang sinadya mo ito. Ilang taon ka nang nakikinig sa mga sermon? Mayroon ka bang konsensiya—mayroon ka bang pagkatao? Kung ikaw ay tao, kung mayroon kang pagkatao at nagtataglay ka ng konsensiya at katwiran, hindi mo gagawin ang gayong mga bagay, sinasadya man o hindi. Gumagawa Ako ng gawain, at sinasadya nilang guluhin ito at subukang sirain ito. Mga tao pa ba sila? Hindi ba’t mga diyablo sila? Kung ang mga tao ay tunay na may konsensiya at katwiran, at tunay na may pagkatao, kahit pa isang ordinaryong tao ang gumagawa ng isang bagay, hangga’t ito ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, alam nilang dapat nila itong itaguyod at hindi sirain, lalo na kung ito ay isang bagay na personal Kong inaasikaso. Subalit iginigiit nilang magdulot ng mga panggugulo at subukang wasakin ito, at walang sinuman ang makakapigil sa kanila. Sila ay naging mga ganap na diyablo, hindi ba? Sinasabi Ko na malubha ang paggawa ng masama ng gayong uri ng mga tao—hindi tayo dapat maging maluwag sa kanila; ang sambahayan ng Diyos ay may mga prinsipyo sa pangangasiwa sa mga tao, at dapat silang pangasiwaan sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanila. Angkop bang paraan ito ng pagtrato sa kanila? (Oo.) Kung sa kanilang pang-araw-araw na buhay lamang sila sumusunod sa kanilang mga personal na kagustuhan, katanggap-tanggap iyon. Halimbawa, maaari Kong sabihin, “Gusto kong kumain ng noodles,” kung saan tutugon sila, “Hindi ko gustong kumain ng noodles. Kapag nagluto ako, ipagluluto Kita ng noodles, at magsasaing ako ng kanin para sa sarili ko.” Ang usaping ito ay hindi kinasasangkutan ng gawain ng iglesia, ni kinasasangkutan ng anumang katotohanang prinsipyo, lalo nang hindi ito kinasasangkutan ng pagkatao o konsensiya ng isang tao. Ang pagsunod sa iyong mga personal na kagustuhan dito ay ayos lang, ngunit pagdating sa mga usaping kinasasangkutan ng gawain ng iglesia, hindi ito katanggap-tanggap. Kung walang-pakundangan kang gumagawa ng masasamang gawa at nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, nilalabag mo ang mga atas administratibo. Anong uri ng tao ang magagawang mangahas na lumabag sa mga atas administratibo? Anong uri ng tao ang hayagang makakasuway sa katotohanan at sa sambahayan ng Diyos? (Mga diyablo.) Ang mga taong iyon na mapangahas at magulo ang isip at ang mga hayop ay kayang sumuway at manggulo sa ganitong paraan, at mas kaya pa itong gawin ng mga diyablo. Anuman ang gawin ng sambahayan ng Diyos, palaging sinusubukan ng mga diyablo na guluhin ito—nagdudulot sila ng mga panggugulo na para bang sinasapian sila, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan. Kaya nilang manggulo nang hanggang sa gayong antas at hindi pa rin nila ito namamalayan, nararamdaman pa rin nila na hindi sila nagdulot ng mga panggugulo, na sila ay lubos na walang-sala, at ipinagtatanggol pa nila ang kanilang sarili. Hindi na kailangang makipagbahaginan ng anuman sa gayong mga tao; ang pagpapaalis lamang sa kanila ang tamang gawin. Ang mga taong tulad nito, na walang konsensiya at katwiran ng pagkatao, ay mga tunay na diyablo; hindi sila kailanman magbabago. Hindi hinihingi sa iyong hangarin ang katotohanan, ni hinihingi sa iyong isagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay, ngunit kahit papaano, dapat alam mong sumunod sa mga alituntunin. Kung hindi mo man lang nauunawaan ang mga alituntunin, at hindi mo nauunawaan ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, at hindi mo man lang alam kapag nilalabag mo na pala ang mga atas administratibo, kung gayon, mayroon ka bang pagkatao? Wala kang pagkatao; ikaw ay isang diyablo. Kapag gumagawa ng masama ang mga diyablo, hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Ang kanilang paglaban sa Diyos, ang kanilang paghusga sa Diyos, at ang kanilang paglapastangan laban sa Diyos ay mga likas na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Nang walang sinumang sumusulsol o nag-iindoktrina sa kanila, likas silang makakagawa ng ganitong kasamaan. Ito ay dahil napapangibabawan sila ng kanilang maladiyablong kalikasan.
Ngayon, nagbahaginan tayo tungkol sa isyu ng pagkilatis ng tama sa mali, na bahagi ng konsensiya at katwiran ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, malinaw na ba ninyong nakikita ang aspektong ito ngayon? Ang isang tunay na tao ay may konsensiya at nakakakilatis ng tama sa mali; gumagana ang kanyang konsensiya. Anuman ang mga tao, pangyayari, o bagay na kanyang makaharap, at anuman ang mga isyung lumitaw, ang kanyang konsensiya, kahit papaano, ang unang linya ng depensa. Sa isang banda, tutulungan ka ng iyong konsensiya na husgahan at kilatisin kung aling mga bagay ang positibo at kung alin ang negatibo; sa kabilang banda, makakatulong ito sa iyong magsagawa ng pagsisiyasat at suriin ang landas sa iyong harapan upang hindi ka bumagsak nang mas mababa pa sa pinakamabababang pamantayan ng sariling asal, at sa huli ay tutulungan ka nitong timbangin ang mga pagpipilian at piliin ang tamang landas. Natural, ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan o na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at may pundasyon sa kanilang pananampalataya ay, sa ilalim ng impluwensiya ng kanilang konsensiya, pipiliin ang mga positibong bagay sa huli, at pipiliing hanapin at tanggapin ang katotohanan. Samakatwid, ang konsensiya ay gumaganap ng isang pangunahing papel sa loob ng pagkatao; ginagampanan nito ang papel ng paggabay sa mga tao tungo sa tamang landas at pagtutuwid sa mga tao upang piliin nila ang mga positibong bagay. Kung ang isang tao ay walang konsensiya, hindi na kailangang sabihin pa na hindi lamang siya magiging walang kakayahang pumili ng mga positibong bagay at ng tamang landas, kundi sa anumang bagay na kanyang gawin, wala siyang magiging pinakamababang pagpipigil at pagtutuwid ng konsensiya. Ang gayong tao ay nasa matinding panganib; napakalaki ng posibilidad na gumawa sila ng masama at lumaban sa Diyos. Kung sila ay nagreinkarnasyon mula sa isang hayop, maaari nilang gawin ang mga bagay na ginagawa ng masasamang demonyo, at ang mga taong masasamang demonyo at mga diyablo ay makakagawa ng mas malalaki pang kasamaan, na lubhang nakakatakot. Kaya, napakahalaga ng pagkakaroon ng konsensiya. Malinaw ba iyon? (Oo.) Kung ang isang tao ay walang konsensiya para ituwid ang kanyang pag-uugali at gabayan siyang tahakin ang tamang landas, ang landas na kanyang pipiliin ay tiyak na magiging isang maling landas, at ang kanyang gagawin ay mga negatibong bagay—magiging hindi sukat akalain ang mga kahihinatnan. Kung kaya niyang mangahas na labagin ang katotohanan at ang mga batas ng pag-unlad ng mga bagay, at walang-pakundangan ding maglapastangan, hinuhusgahan ang katotohanan at ang lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos, hayagan pa ngang nilalabanan ang Diyos at nilalabag ang mga atas administratibo ng Diyos, at walang-takot na sinusumpa, kinokondena, at nilalapastangan ang Diyos, kung gayon, siya ay mismong kapareho ng mga diyablo at ni Satanas. Kaya niyang gawin ang lahat ng kasamaang ginagawa ng mga diyablo at ni Satanas, gawin ang lahat ng bagay na ginagawa ng mga diyablo at ni Satanas, at bigkasin ang lahat ng maling kaisipan, maling paniniwala, at baluktot na argumentong binibigkas ng mga diyablo at ni Satanas. Ang mga taong ito ay mga tunay na diyablo at mga Satanas.
Ano ang naunawaan ninyo mula sa pagbabahaginan ngayon? (Naunawaan ko na ang mga taong may pagkatao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at nakakakilatis ng tama sa mali. Tungkol naman sa pagkilatis ng tama sa mali, ipinaliwanag ng Diyos, gamit ang iba’t ibang halimbawa, nang may sukdulang kalinawan kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, upang kapag nahaharap tayo sa mga bagay-bagay, makakagawa tayo ng mga tumpak na paghusga at kasabay nito ay magkakaroon tayo ng mga tamang perspektiba sa likod ng ating paghahangad—dapat nating asamin at hangarin ang mga positibong bagay, at kamuhian at tanggihan ang mga negatibong bagay.) Ang konsensiya at katwiran sa loob ng pagkatao ang mga pinakapangunahing kondisyon para makamit ng isang tao ang kaligtasan. Kung taglay mo ang dalawang pangunahing kondisyong ito ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, at hindi mo isinasagawa ang kaunting katotohanang nauunawaan mo, at sa huli ay hindi mo makamit ang pagpapasakop sa katotohanan, kung gayon, hindi mo pa rin makakamit ang kaligtasan. Ang konsensiya at katwiran ay mga pangunahing kondisyon lamang para sa kaligtasan; tungkol naman sa kung anong landas ang iyong tatahakin, nakadepende iyan sa iyong sariling pagpili. Kung ikaw ay isang taong tunay na may konsensiya at katwiran, magkakaroon ka ng pagkakataon, sa ilalim ng pagtutuwid ng iyong konsensiya, na piliing tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung itinutuwid at ginagabayan ka ng iyong konsensiya para piliin mo ang tamang landas, ngunit ayaw mong magdusa at magbayad ng halaga, ayaw mong maghimagsik laban sa laman at bitiwan ang mga bagay na may kaugnayan sa mga interes ng iyong laman, at hindi mo pa natatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kung gayon, wala ka pa ring pag-asa na magkamit ng kaligtasan. Ang pag-asa na magkamit ng kaligtasan ay, sa isang banda, direktang nauugnay sa konsensiya ng iyong pagkatao; sa kabilang banda, direkta rin itong nauugnay sa halagang kaya mong ibayad sa paghahangad sa katotohanan, at sa iyong determinasyon at pagnanais na isagawa ang katotohanan. Ang konsensiya ay nagbibigay lamang sa iyo ng isang pangunahing kondisyon para maligtas, at lumilikha rin ito ng maraming pagkakataon para sa iyo na isagawa ang katotohanan, na nagbibigay sa iyo ng pagkakataong tahakin ang tamang landas sa ilalim ng pagtutuwid ng iyong konsensiya. Ibig sabihin, ang tsansa mong matahak ang tamang landas ay magiging medyo mataas, at ang iyong pag-asa na magkamit ng kaligtasan ay magiging medyo mataas din, higit sa limampung porsiyento—gayumpaman, hindi ito magiging garantisado. Samakatwid, kahit pa pakiramdam mo ay mayroon kang konsensiya at pagkatao, huwag kang maging kampante tungkol dito, iniisip na ang pagkakaroon lamang ng konsensiya at katwiran ay nangangahulugang isa ka nang mabuting tao at makakamit mo na ang kaligtasan, na tiyak na ito. Kung ganito ka mag-isip, sinasabi Ko sa iyo na may mga paglihis sa iyong pagkaarok sa usaping ito. Kung nagtataglay ka ng konsensiya at pagkatao, pinatutunayan lamang nito na ikaw ay isang taong pinili at tinawag ng Diyos. Gayumpaman, ang pinakamahalagang bagay na tumutukoy kung makakamit mo ba ang kaligtasan sa huli ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad. Kahit pa karaniwang aktibo ang iyong konsensiya, madalas na itinutuwid ang iyong pag-uugali at itinutuwid ka para piliin mo ang tamang landas, kung madalas mong nilalabag ang iyong konsensiya at hindi mo pinipili ang tamang landas, at hindi mo pinipiling isagawa ang katotohanan, kundi sa halip ay madalas na pinangangalagaan ang iyong mga personal na interes, ang iyong personal na reputasyon at pride, at madalas na isinasaalang-alang ang iyong personal na kinabukasan, mga ambisyon, at mga pagnanais, kung gayon, ang iyong pag-asa na makamit ang kaligtasan sa huli ay magiging napakaliit—unti-unti mo itong sisirain. Ito ay magiging isang bagay na kalunos-lunos. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sige, hanggang dito na lang ang ating pagbabahaginan ngayon. Paalam!
Marso 9, 2024