Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1
Matagal-tagal tayong nagbahaginan sa paksang ito ng kung paano hahangarin ang katotohanan, at lahat ng napagbahaginan natin ay kinabibilangan ng isang aspekto ng pagsasagawa tungkol sa kung paano isagawa ang katotohanan: ang pagbitiw. Ibig sabihin, ang nilalaman ng pagbabahaginan natin ay pawang tungkol sa mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa proseso ng pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, na mga bagay na dapat ding bitiwan ng mga tao sa buhay nila at sa landas ng buhay na tinatahak nila. Ang mga ito ang ilan mismo sa mga bagay na nakakaimpluwensiya sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Kaya ano ang unang aytem ng nilalaman natin tungkol sa pagbitiw? (Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao.) At ano ang ikalawang aytem? (Ang pagbitiw sa mga paghahangad, pag-aasam, at pagnanais ng mga tao). Ang unang aytem ng nilalaman natin sa pagbitiw ay ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon, at ang ikalawa ay ang pagbitiw sa mga paghahangad, pag-aasam, at pagnanais ng mga tao. Ang bawat aytem ay sumasaklaw sa mangilan-ngilang maliliit na paksa at detalye, tama ba? (Oo.) Anuman ang pinagbabahaginan natin, o anumang mga kategorya at aytem ang nakapaloob sa nilalamang ito, at ilan mang halimbawa ang ibinigay, o ilan mang kalagayan o ilan mang diwa ng problema ang inilantad, sa madaling salita, ang lahat ng nilalamang pinagbahaginan natin ay tumatalakay sa iba’t ibang problemang sumasapit sa mga tao sa proseso ng pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan o sa kanilang tunay na buhay, pati na sa mga landas ng pagsasagawa na dapat piliin ng mga tao at sa mga katotohanang prinsipyong dapat nilang sundin sa tuwing nahaharap sila sa mga problemang ito. Ang iba’t ibang aspektong sangkot sa problemang ito ay hindi walang kabuluhan at hindi lang umiiral sa mga kaisipan ng tao o sa mga espirituwal na mundo. Sa halip, umiiral ang mga ito sa totoong buhay ng mga tao. Kaya, kung handa kang hangarin ang katotohanan, anumang uri ng mga problema ang sumapit sa iyo, umaasa akong mahahanap mo ang katotohanan at mahahanap ang mga kaugnay na katotohanang prinsipyo para maging batayan mo, tutuklasin ang landas ng pagsasagawa, at nang sa gayon ay magkaroon ng landas ng pagsasagawa sa tuwing sumasapit sa iyo ang mga problemang ito. Isa ito sa mga pangunahing pakay ng pagbabahaginan sa lahat nilalamang ito. Bagama’t tapos na tayong magbahaginan tungkol sa lahat ng katotohanang ito, hindi agad-agad makakapasok ang mga tao sa mga katotohanang realidad na ito. Dapat magsimula ang mga tao sa pagbabahaginan sa mga katotohanang ito, at dapat nilang gawing batayan nila ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, at baguhin ang kanilang mga pananaw sa lahat ng uri ng bagay, pati na ang kanilang mga saloobin sa buhay at mga pamamaraan ng pag-iral. Sa ganoong paraan, sa proseso ng pananampalataya sa Diyos o sa proseso ng pamumuhay at pag-iral, sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga katotohanang prinsipyong ito, ang mga tao, nang hindi ito namamalayan, ay magagawang mabago ang kanilang iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan, pananaw, o saloobin at pamamaraan sa pag-iral na dati nang umiiral, luma, at nagmula kay Satanas, at magagawa nilang iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila. Samakatwid, ang mga salitang ito na napagbahaginan natin noon at ang mga salitang pagbabahaginan natin sa hinaharap ay hindi isang uri ng kaalaman, o isang uri ng iskolarsip, at tiyak na hindi isang teorya ang mga ito. Sa halip, ang mga ito ay ginamit para patnubayan, gabayan, at tulungan ang mga tao na lutasin ang iba’t ibang problema at suliraning nakakaharap nila sa pang-araw-araw nilang buhay. Sa tuwing nahaharap ka sa isang problema, o sa tuwing nahaharap ka sa isang sitwasyon, o sa isang tao, pangyayari, at bagay, maaari kang tumingin sa loob ng nilalaman ng pagbabahaginan natin para sa mga pamantayan ng katotohanan na dapat mong sundin at isagawa, para makakilos ka nang gamit ang katotohanan bilang iyong batayan at pamantayan, sa halip na magsagawa nang ayon sa mga tiwaling disposisyon mo at ayon sa mga luma, maling pananaw mo. Ang layon ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos ay ang hangarin ang katotohanan, pero ang layon ng paghahangad sa katotohanan ay hindi ang punan ang mga hungkag na buhay ng mga tao, o para baguhin ang mga hungkag na buhay nila, o para pagyamanin ang mga espirituwal nilang mundo. Ano ang layon ng paghahangad sa katotohanan? Para sa mga tao, ang layon ay ang iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila para maligtas sila; siyempre, ang pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay para din makapagpasakop sa Diyos, at magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Pero para sa Diyos, ang layon at kahalagahan ng paghahangad ng mga tao sa katotohanan ay hindi labis na ordinaryo; hindi lang ito tungkol sa isang taong inililigtas. Sa halip, ito ay tungkol sa pagkamit ng Diyos ng isang taong hindi na naloloko ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas, at siyempre, tungkol din ito sa pagkamit ng isang uri ng taong pwedeng maging kaayon ng Diyos; ang mas mahalaga, ito ay tungkol sa kakayahan ng Diyos na magkamit, mula sa nilikhang sangkatauhan, ng isang klase ng taong gusto Niya, isang taong kayang pamahalaan ang lahat ng bagay at umiral magpakailanman kasama ang lahat ng bagay. Ang kahalagahang ito ay hindi kasingsimple ng maligtas, gaya ng sa mga tao. Samakatwid, para man ito sa mga tao o sa Diyos, napakahalaga ng paghahangad sa katotohanan. Dahil napakahalaga nito, ang nilalaman ng isang aspekto ng pagsasagawa tungkol sa paghahangad sa katotohanan—ang “pagbitiw”—ay napakahalaga para sa lahat ng gustong hangarin ang pagkamit sa kaligtasan. Dahil napakahalaga ng pagsasagawa ng “pagbitiw”, ang iba’t ibang katotohanang prinsipyong nauugnay sa “pagbitiw,” pati na ang iba’t ibang kalagayan, mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at mga tiwaling kaisipan at pananaw tungkol sa pagsasagawa ng “pagbitiw” na nalantad na, ay mga bagay na dapat lubusang maunawaan ng mga tao. Kapag sinuri at inunawa ng mga tao ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na madalas na nabubunyag sa pang-araw-araw na buhay, pati na ang mga tiwaling disposisyon nila at ang mga pagbubunyag ng katiwalian, at nang sa gayon ay makilala ang sarili nila, at maunawaan at matanggap ang isang aspekto ng katotohanan, at pagkatapos ay magsagawa nang ayon sa mga nauugnay na katotohanang prinsipyo, saka lang nila makakamit ang layon ng paghahangad sa katotohanan. Halos tapos na natin ang pagbabahaginan natin mula sa panahong ito tungkol sa dalawang pangunahing aytem ng “pagbitiw” sa loob ng kung paano hangarin ang katotohanan. Ano ang unang aytem? Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao. Ano ang ikalawang aytem? Ang pagbitiw sa mga paghahangad, pag-aasam, at pagnanais ng mga tao. Bagama’t tinalakay natin ang maraming nilalaman sa pagbabahaginan natin sa dalawang aytem na ito, ang mas mahalaga ay kailangan mong maunawaan ang bawat partikular na mga katotohanang prinsipyong sangkot sa mga paksang ito. Kapag nauunawaan na ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, saka lang sila makakaasal at makakakilos ayon sa mga katotohanang prinsipyong ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay at sa kanilang landas sa buhay, unti-unting nakakapasok sa katotohanang realidad, at sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, unti-unting makakamit ang mga resulta ng pag-unawa at pagkamit sa katotohanan.
Ang dalawang aytem ng “pagbitiw” sa loob ng kung paano hangarin ang katotohanan na pinagbahaginan natin dati ay tumatalakay sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa kanilang iba’t ibang kaisipan at pananaw, at sa iba’t ibang problemang sumasapit sa kanila sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Pero may isa pa na mas mahalaga, o masasabing mas dakilang aytem sa loob ng “pagbitiw” na talagang dapat nating pagbahaginan. Ano ang aytem na iyon? Kasama rito ang mga saloobin ng mga tao sa Diyos, ang kanilang mga kaisipan at pananaw tungkol sa Diyos, at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng kanilang pagtrato sa Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Masasabing ang aytem na ito ay medyo mas mahalaga kaysa sa naunang dalawa. Dahil ang aytem na ito ay direktang nauugnay sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos, sa kanilang mga kaisipan at pananaw sa Diyos, at sa ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, ito ang huling tatalakayin natin sa ilalim ng aytem na ito ng “pagbitiw,” at siyempre ito rin ang pinakamahalaga. Ang ilang paksa sa loob ng dalawang aytem na tinalakay natin dati ay nauugnay sa ilang saloobin at pananaw na kinikimkim ng mga tao tungkol sa Diyos, o sa ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, pero sa usapin ng pananaw na ginamit natin sa pagbabahaginan natin, halos hinimay natin ang iba’t ibang problema ng mga tao mula sa pananaw na pantao—hinimay natin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon o mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw ng tao sa loob ng konteksto ng iba’t ibang uri ng problema nila. Ang pagbabahaginan natin ngayon ay tungkol sa mga saloobin ng mga tao tungkol sa Diyos at sa kanilang mga kaisipan at pananaw tungkol sa Diyos. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa proseso ng paghahangad sa katotohanan. Hindi rin masyadong simple ang aytem na ito, dahil sino man sila, o anumang uri sila ng tao, walang tao ang may iisang uri lang ng saloobin sa Diyos o iisang uri ng kaisipan at pananaw tungkol sa Diyos, at siyempre, ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay hindi lang iisang uri ng ugnayan, at hindi rin ito kinabibilangan ng iisang uri ng kalagayang pantao. Dahil sa iba’t ibang saloobin ng tao sa Diyos, at dahil sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na kinikimkim ng mga tao sa pagkakakilanlan, katayuan, at imahe ng Diyos, pati na sa ibang mga dahilan, lumilitaw ang iba’t ibang uri ng ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Kaya, pagbabahaginan natin ngayon ang aytem na ito at titingnan natin kung anong malulubhang problema at di-nalulutas na alitan ang umiiral pa rin sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at kung ano pa ba mismo ang kailangang bitiwan ng mga tao. Pagkatapos itong maunawaan, kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan, bubuti ang ugnayan mo sa Diyos, at ang pananaw mo sa Diyos ay unti-unting magiging tama, positibo, o naaayon sa katotohanan. Ang ikatlong aytem ng paksa ng pagbitiw ay dapat ang bitiwan ang mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at ang pagkamapanlaban sa Diyos—ito ang ikatlong aytem ng mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Bago tayo pormal na magbahaginan sa paksang ito, talakayin muna natin nang maiksi kung aling mga problema sa pang-araw-araw na buhay ang kinabibilangan ng mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at ng pagkamapanlaban ng mga tao sa Diyos. Maliban sa mga personal na isyung may kinalaman sa mga tao, hindi ba’t may kung ano-anong problema sa kung paano tinatrato ng mga tao ang Diyos sa proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan? Ang mga tao ay may kung ano-anong nakalilinlang na kaisipan at pananaw at mga maling prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paano nila tinatrato ang iba’t ibang pangyayari at bagay, at sa gayon ding paraan, may kung ano-ano silang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw at maling prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paao nila tinatrato ang Diyos. Kung, para sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, nagagawa mong tratuhin ang mga ito at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ibig sabihin, kung nalalaman mo ang mga makalilinlang na kaisipan at pananaw na kinikimkim mo tungol sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, at kasabay nito ay itinatama at binibitiwan mo ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito, at pagkatapos ay hinaharap at nilulutas mo ang iba’t ibang problema ayon sa mga tamang kaisipan at pananaw na sinasabi ng Diyos sa mga tao—kung gayon, ang iyong mga prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay ay magiging medyo alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Maituturing ba itong senyales na naligtas na ang isang tao. Kung titingnan ito ngayon, hindi. Kung hindi ko binanggit ang nilalaman ng pagbabahaginan ngayon, maaaring inisip ng mga tao, “Pagdating sa lahat ng uri ng bagay, nagagawa kong tingnan ang mga ito at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, kaya tingin ko ay isa akong taong naghahangad sa katotohanan, isang taong nagkamit ng mga resulta sa paghahangad sa katotohanan, at isang taong naligtas.” Batay sa paksang tinalakay Ko ngayon—ang iba’t ibang saloobing kinikimkim ng mga tao sa Diyos—tumutugma ba sa mga katunayan ang ideya nilang ito? (Hindi.) Malinaw na hindi ito tumutugma sa mga katunayan. Maaaring mayroon kang partikular na batayan at partikular na positibong saloobin sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, pero mayroon pa ring kung ano-anong uri ng hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at mapanlaban pa rin ang saloobin mo sa Diyos pagdating sa iba’t ibang isyu. Malubha ang problemang ito, at ito ang pinakamalaki sa lahat ng problema. Sa panahon na sinusundan mo ang Diyos at ginagawa ang tungkulin mo, ang paggampan mo sa lahat ng aspekto ay maaaring tila medyo disente para sa iba, at maaaring tila tugma sa katotohanan at sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos at mga hadlang sa pagitan mo at ng Diyos sa puso mo, at nagkikimkim ka pa nga ng mapanlabang saloobin sa Diyos kapag nahaharap ka sa maraming problema. Napakalubha ng mga isyung ito. Kung umiiral nga ang mga isyung ito sa puso mo, hindi nito pinatutunayan na isa kang naligtas na tao. Dahil marami pa ring hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at nagkikimkim ka pa rin ng mapanlabang saloobin sa Diyos, pagdating sa mga susi, mahalagang isyu, hindi ka lang isang hindi naligtas na tao, nasa panganib ka rin. Kahit na naniniwala kang nagagawa mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo kapag nahaharap ka sa maraming isyu sa buhay, at ang mga kilos mo ay medyo tugma sa katotohanan, masasabi na ito ay panlabas na anyo lang at hindi nito mapapatunayan na naligtas ka na. Ito ay dahil hindi ka pa nagkamit ng pagkaayon sa ugnayan mo sa Diyos, at hindi ka pa nagpapasakop sa Diyos o natatakot sa Kanya. Samakatwid, sa tuwing sumasapit sa iyo ang iba’t ibang bagay, ang iyong panlabas na ugali o ang mga kaisipan at pananaw mo ay maaari lang magpakita na sumunod ka sa mga doktrina, islogan, at regulasyong pinaniniwalaan mong tama sa mga usaping ito, sa halip na sumunod sa mga katotohanang prinsipyo. Maaaring ito ay isang di-halatang ugnayan, at maaaring tila komplikado ito, pero pagkatapos nating magbahaginan sa partikular na nilalaman ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban sa Diyos, at maingat nang nagsuri ang mga tao, mauunawaan nila ang kahulugan ng mga salita Ko.
Bago pormal na magbahaginan sa paksa ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban sa Diyos, talakayin muna natin kung anong mga hadlang ang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Anong mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at pagkamapanlaban sa Diyos ang nararamdaman at namamalayan mo sa pang-araw-araw mong buhay, o na nangyayari sa ibang tao? Tiyak na umiiral ang mga pagpapamalas na ito. Nangyayari ang mga ito sa paligid ng mga tao araw-araw, at nangyayari ang mga ito sa iyo araw-araw, kaya hindi mo kailangang gumugol ng napakaraming lakas sa pag-iisip—kapag binuka mo ang iyong bibig, agad na lalabas ang sunod-sunod na mga problemang ito. Hindi ba’t ganito nga ang nangyayari? (Oo.) Anong uri ng mga hadlang ang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos? Pag-usapan muna natin kung ano ang saklaw ng terminong “mga hadlang”. Kabilang dito ang alitan, pagtutol, mga kuru-kuro, maling pagkaunawa, at iba pang tulad niyon, hindi ba? Magdagdag ka pa. (Kapag ang isang tao ay nabubunyag o napupungusan habang ginagawa ang tungkulin niya, maaaring magkaroon siya ng ilang maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at maging mapagbantay siya laban sa Diyos, iniisip na kapag mas mahalaga ang tungkuling ginagawa niya, mas mabilis siyang mabubunyag. Samakatwid, sa puso niya, magkakaroon ng mga hadlang sa pagitan niya at ng Diyos, at hindi niya magagawang tanggapin ang ilang tungkulin at atas nang may dalisay at bukas na puso.) Ano ang hadlang dito? (Ang pagiging mapagbantay at mga maling pagkaunawa.) Ang pagiging mapagbantay at mga maling pagkaunawa. Isa itong uri ng hadlang. Sino ang makakapagdagdag doon? Wala bang mga hadlang sa pagitan ninyong lahat at ng Diyos? Malinis at ginawang banal ba ang puso ninyo? Kahit kailan ba ay hindi kayo nagkaroon ng masama o negatibong kaisipan tungkol sa Diyos? (O Diyos, may maidadagdag ako. Sa tuwing maayos ang takbo ng mga bagay-bagay sa mga sitwasyong pinamamatnugutan ng Diyos para sa akin, tila medyo normal ang ugnayan sa pagitan ko at ng Diyos. Pero kung sakaling maharap ako sa isang paghihirap o isang bagay na hindi tugma sa mga kuru-kuro ko, nagsisimula akong manghula kung ano ang gagawin ng Diyos, at kung ano ang susunod na mangyayari sa akin, at kung ano ang magiging resulta. Isip ako nang isip, at nagrereklamo pa nga ako, at nanghuhusga at nagkakamali ako ng pag-unawa sa Diyos sa isip ko, at saka nagiging sarado ang puso ko. Gusto ko ring talakayin ang isang bagay na nakita ko. Kapag nahaharap ang ilang tao sa ilang di-kanais-nais na sitwasyon, nakararamdam sila ng paglaban sa puso nila at sinasabi nila, “Bakit pinararanas sa akin ng Diyos ang mga sitwasyong ito? Bakit hindi sumapit ang mga ito sa ibang tao?” Hindi nila magawang magpasakop sa mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos para sa kanila, at lumilitaw ang alitan sa pagitan nila at ng Diyos.) Ang isyung unang binanggit mo ay na may mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, na bilang isang nakondisyong reaksiyon sa ilang sitwasyon, nagkakaroon ang mga tao ng mga hadlang sa pagitan ng sarili nila at ng Diyos, ng pagiging mapagbantay sa Diyos, at mga maling pagkaunawa sa Diyos. Ang ikalawang isyung binanggit mo ay na nagiging mapanlaban ang mga tao sa Diyos dahil mapanlaban ang kalooban nila. Sino ang may maidadagdag pang iba? (Sa tuwing pinupungusan ako ng Itaas at nabubunyag ang mahinang kakayahan ko, hinuhusgahan ko ang sarili ko at iniisip kong hindi ako maliligtas, at wala akong motibasyong hangarin ang katotohanan kahit gusto ko. Isa itong uri ng maling pagkaunawa sa Diyos. Dagdag pa rito, kapag nagkakasakit ang ilang kapatid at may posibilidad na mamatay sila, iniisip nila, “Hindi ba naaalala ng Diyos ang lahat ng pagpapakaabala at paggugol na ginawa ko para sa Kanya?” Sa puso nila, nakikipagtalo sila sa Diyos, nagpoprotesta laban sa Kanya, at lumalaban sa Kanya. Napakakaraniwan ng ganitong uri ng kalagayan. Sa usapin ng mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at ng pagkamapanlaban sa Diyos, ang mga problemang ipinapamalas ng karamihan ng tao ay halos pawang pagkamapagbantay at mga maling pagkaunawa, at pagtutol at kawalan din ng kasiyahan na ibinubunyag ng mga tao kapag nahaharap sila sa ilang bagay, na sa madaling salita, ay pagkamapanlaban sa Diyos. Halos iyon na ang lahat. Ang totoo, ang iba’t ibang problema sa mga panloob na saloobin ng mga tao sa Diyos ay lagpas sa saklaw ng mga isyung napagbahaginan ninyo. May ilang problemang hindi ninyo alam. Sa isang banda, ito ay dahil hindi sinusuri ng mga tao kung anong mga problema ang umiiral sa kanilang sarili sa tuwing nararanasan nila ang iba’t ibang sitwasyon. Sa kabilang banda, hindi kailanman maingat na isinaalang-alang ng mga tao kung kumusta ba mismo ang ugnayan nila sa Diyos, o kung ano ba ang mga tamang saloobin at pananaw na dapat mayroon ang mga tao sa Diyos. Kaya, batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao at sa mga estadong ito na kasalukuyang umiiral sa mga tao, partikular tayong magbabahaginan ngayon tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos at sa pagkamapanlaban ng mga tao sa Diyos. Ang layon ng pagbabahaginan sa iba’t ibang pagpapamalas na ito ay ang bigyang-kakayahan ang mga tao na maagap na bitiwan ang mga hadlang sa pagitan ng kanilang sarili at ng Diyos, at ang pagkamapanlabang kinikimkim nila sa Diyos sa tuwing lumilitaw ang mga bagay na ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ang magkamit ng matiwasay na ugnayan sa Kanya, at sa huli ay maging ganap na kaayon Niya. Sa ganitong paraan, ganap nilang maaalis ang mga hadlang sa pagitan ng kanilang sarili at ng Diyos, at ang kanilang pagkamapanlaban sa Diyos, at magkakaroon sila ng takot sa Diyos at tunay silang magpapasakop sa Kanya. Ito lang ang normal na ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang mga tunay na nilikha.
Pagdating sa pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng kanilang sarili at ng Diyos at sa kanilang pagkamapanlaban sa Diyos, ang unang dapat bitiwan ng mga tao ay ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Isa itong napakahalagang bahagi ng nilalaman, hindi ba? (Oo.) Hindi ba’t umiiral sa bawat tao ang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos? (Oo.) Walang taong namumuhay nang hiwalay sa lipunan, at walang taong robot. Ang bawat tao ay may malayang kalooban, at nagkikimkim ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na nakuha nila mula sa mundo sa labas; siyempre, ang bawat tao ay mayroon ding iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nabuo sa loob ng kanilang personal na kalooban batay sa sarili nilang mga pangangailangan, kagustuhan, at pagnanais. Ang katunayan na tinatawag ang mga ito na mga “kuru-kuro” at “imahinasyon” ay nangangahulugan na tiyak na hindi tugma ang mga ito sa katotohanan o sa mga katunayan; sa pinakamababa, ang mga ito ay hindi tugma sa mga layunin ng Diyos, sa pagkakakilanlan ng Diyos, at sa diwa ng Diyos. Samakatwid, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay ang unang malaking bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Kaya, ano ang pangunahing kabilang sa nilalamang nauugnay sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos? Sa isang banda, kabilang dito ang mga dati nang umiiral na mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos bago pa sila manampalataya sa Kanya. Sa kabilang banda, kabilang dito ang mga bagong kuru-kurong nabuo ng mga tao tungkol sa Diyos matapos nilang manampalataya sa Kanya, at ang mga bagong kuru-kurong ito ay mas partikular at makatotohanang mga kuru-kuro at imaginasyon. Bago manampalataya ang mga tao sa Diyos, ang puso nila ay puno ng mga imahinasyon tungkol sa Diyos, at ang mga imahinasyong ito ay masasabi ring mga kuru-kurong karaniwan sa lahat ng tao. Katulad ito ng kung paanong tinatawag ng mga Intsik ang Diyos na “ang Matandang Lalaki sa Langit,” kahit hindi naman sila nananampalataya sa Kanya, at kung paanong ang mga taga-Kanluran—na ang karamihan ay nananampalataya sa Diyos—ay tinatawag Siyang “ang Panginoon.” Bagama’t maraming tao ang hindi nananampalataya sa Diyos, naniniwala ang karamihan ng tao na mayroong Diyos at puno sila ng mga imahinasyon tungkol sa Kanya, iniisip na ang Diyos ay umiiral sa lahat ng bagay at mas mataas sa lahat ng bagay, at na Siya ay omnipresente, omnipotente, at nagtataglay ng mga dakila, kahanga-hangang kapangyarihan. Kaya, sino ba mismo ang Diyos na ito? Walang nakakaalam, pero ano’t anuman, alam nila na ang Diyos ang pinakadakila at na pinaghaharian Niya ang lahat ng bagay. Ano ang partikular na imahe ng Diyos, kung gayon? Ang bawat tao, sa isip nila, ay nagkikimkim ng ideya sa hitsura at imahe ng Diyos na naisip at napagpasyahan nila. Natalakay na natin dati ang mga pangkalahatang kuru-kuro at imahinasyong pantaong ito, at hindi ang mga ito ang pangunahing nilalaman ng pagbabahaginan ngayong araw. Ang pagbabahaginan natin ngayon ay ang iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro at imahinasyong salungat sa Diyos at hindi tugma sa Kanyang diwa, na dapat bitiwan ng mga tao, sa loob ng iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro at imahinasyong nauugnay sa mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos at sa kanilang pagkamapanlaban sa Diyos. Hindi natin pag-uusapan ang tungkol sa iyong mga walang kabuluhan, hindi totoo, at di-maarok na mga kuru-kuro at imahinasyon. Masasabi na, batay sa kasalukuyan ninyong tayog, halos hindi naman problema ang mga bagay na iyon at hindi makakaapekto sa inyong paghahangad sa katotohanan, lalo na sa inyong pagsunod sa Diyos, at na kahit ang ilang indibidwal ay may ilan pa ring malapantasyang imahinasyon sa isipan nila, hindi makakaapekto ang mga ito sa pagsunod nila sa Diyos, at samakatwid ay hindi masyadong malaking problema. Ang mga kuru-kuro at imahinasyong pantao na pagbabahaginan natin ay nauugnay sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos at sa pang-araw-araw nilang buhay, pati na sa pagganap ng mga tao sa mga tungkulin, sa mga landas na tinatahak ng mga tao, at siyempre, lalong nauugnay ang mga ito sa mga paghahangad ng mga tao. Sa iba’t ibang mga kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa Diyos, una sa lahat, ang mga tao ay may napakaraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanyang gawain, na mas labis na makatotohanan kaysa sa iba’t ibang imahinasyong mayroon ang mga walang pananampalataya tungkol sa Diyos, at ang mga ito ay hindi walang kabuluhan ni di-maarok. Ang mga ito ay mga bagay na umiiral sa isip ng bawat tao habang sinusundan nila ang Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao ay maraming malapantasya at di-makototohanang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Halimbawa, nasa imahinasyon ng mga tao na puno ng mga himala ang Kanyang gawain, at puno ng mga kamangha-manghang bagay na hindi kayang hulaan o makamit ng mga tao. Siyempre, ang mga pinakamalaking kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa aspektong ito ay na ang gawain ng Diyos ay maaaring magawang ganap ang isang tao sa isang iglap lang, o na, sa pagsasabi lang ng ilang salita o paggawa ng isang himala o kamangha-manghang bagay, kayang baguhin ng Diyos ang isang tao sa isang iglap at gawin itong isang taong nakalaya na mula sa buhay ng laman at sa iba’t ibang praktikal na paghihirap ng laman. Sa imahinasyon nila, ang taong ito ay hindi kumakain ni umiinom, at walang mga pangangailangan ang katawan nito na gaya ng isang robot; higit pa rito, iniisip nila na ang taong ito ay nag-iisip sa isang dalisay na paraan, nang walang mga makasariling pagsasaalang-alang, at na labis na ginawang banal ang kalooban nito. Iniisip nila na para makamit ito, hindi kinakailangang hangarin ang katotohanan, o na pagbahaginan ang katotohanan o tanggapin ang pagkakapungos sa loob ng napakaraming taon; sa halip, kayang makamit ng Diyos ang lahat ng ito gamit lang ang ilang salita, dahil maisasakatuparan ang anumang sabihin ng Diyos at hindi magbabago ang anumang iutos Niya. Lalo na sa simula, kapag kakatanggap pa lang ng mga tao sa ikatlong yugto ng gawain ng Diyos, lalong puno sila ng lahat ng uri ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanyang gawain. Nang marinig ng ilang tao na “malapit nang matapos ang gawain ng Diyos,” hindi nila alam kung sa aling taon, buwan, o araw ito magtatapos, pero nabalisa sila at tinalikuran pa nga ang kanilang mga trabaho at pamilya. Ang ilang magsasaka ay tumigil sa pag-aalaga ng mga pananim, at ang iba ay tumigil sa pag-aalaga ng mga baka at tupa. Ibinenta pa nga ng ilang tao ang kanilang mga ari-arian at sasakyan, kinuha nila ang lahat ng pera nila sa bangko, tinipon ang lahat ng ari-arian nila, at binitbit ang kanilang mga ginto, pilak, at mahahalagang kagamitan, handang sumunod sa Diyos. Ito ay dahil inakala ng mga tao na matatapos na ang gawain ng Diyos, at na hindi na nila kailangang ipamuhay ang kanilang buhay, at naniniwala silang pinaghiwalay ng Diyos ang mga pamilya at mag-asawa, at na dapat nilang isuko ang kanilang buhay may-asawa, trabaho, at kinabukasan, at talikuran ang lahat ng makamundong kasiyahan para sumunod sa Diyos. Kung may magtatanong sa kanila, “Saan ka pupunta dala iyang maleta at ang buong pamilya mo?” sasabihin nila, “Pupunta ako sa kaharian ng langit.” Kung tatanungin naman sila, “Nasaan ang kaharian ng langit?” sasagot sila, “Hindi ko pa alam, pupunta ako saan man ako dalhin ng Diyos.” Kumikilos man sila nang biglaan o nang napag-isipan, ano’t anuman, ibinubunyag ng mga pagpapamalas na ito ang isang katunayan, na ang mga tao ay may napakaraming imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Hindi nila alam kung paano gagawa ang Diyos para iligtas sila, o kung ano ang mararamdaman nila o kung anong uri ng kalagayan at kapaligiran ang pamumuhayan nila pagkatapos silang iligtas ng Diyos. Pagdating naman sa kung ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos, o kung anong resulta ang gustong makamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain sa mga tao, hindi rin nila alam ang anuman sa mga ito. Kaya ano ang alam nila? Isang pangungusap lang ang naaalala nila: Malapit na ang araw ng Diyos, bumaba na ang mga sakuna, malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, at dapat nating talikuran ang lahat ng bagay at sundan ang Diyos. Ito ang pinagmulan at batayan ng pagbubuo ng lahat ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa pamamagitan ng mga kuru-kuro at imahinasyong ito kaya nakagawa sila ng lahat ng uri ng pagpili at desisyon. Ano ang mga naging pagpili at desisyon nila? Pinili nilang talikuran ang mundo, talikuran ang mga pag-aaral nila, talikuran ang mga propesyon nila, talikuran ang mga buhay may-asawa nila, talikuran ang mga pamilya nila, at talikuran pa nga ang pagmamahal sa laman, pamilya, at iba, at dahil nabitiwan na lahat ng bagay na ito, naghihintay sila na matapos na ang gawain ng Diyos. Ano ang pakay nila sa paghihintay na matapos na ang gawain ng Diyos? Ito ay na makahabol at sumunod sa Diyos. Makahabol saan mismo? Iniisip nila na saan man sila makahabol, o kung sa anong araw man sila mismo makakahabol, ano’t anuman, hindi sila mapupunta sa impiyerno. Naniniwala sila na kahit hindi man sa langit, papunta sila sa isang mas mataas na lugar, at na kahit hindi man sa langit, o sa isang pisikal na kaharian, hindi sila magkakamali sa pagsunod sa Diyos, at na malamang na makakahabol sila kung nasaan man ang Diyos. Bagama’t ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ng mga tao ay ganap, maaari bang magkatotoo ang mga ito? Ang hinihintay ba nilang sandali—ang pagtatapos ng gawain ng Diyos—ay dumating na? (Hindi.) At dahil hindi pa nagtatapos ang gawain ng Diyos, nadidismaya at nababalisa ba ang mga tao? Nagsisisi ba sila? Nadidismaya ang ilang tao, tama ba? Nagiging negatibo ang ilang tao kapag nahaharap sila sa mga suliranin habang ginagawa ang tungkulin nila, o nagsisisi sila kapag nakakaranas sila ng paghihirap sa buhay nila sa kanilang tahanan o kapag nagdursa sila sa pag-uusig at hindi sila makaalpas. Siyempre, hindi naging madali para sa ilang tao na makapagtiis hanggang sa kasalukuyang sandali, pero sa puso nila ay balisang-balisa nga sila. Ano ang ikinababalisa nila? Iniisip nila, “Bakit hindi pa nagtatapos ang gawain ng Diyos? Gaano pa ba katagal ang gawain ng Diyos? Dapat na ba akong umuwi at ituloy na ang buhay ko? Dapat ba akong bumalik sa trabaho at maghanap ng kinabukasan para sa sarili ko sa mundo? Dapat bang bilhin kong muli ang bahay ko? Hindi tayo sinasagot ng Diyos o hindi Niya tayo sinasagot nang malinaw tungkol dito! Hindi ba’t dapat sabihan tayo kung kailan ba magtatapos ang gawain ng Diyos, at kung ano pang ibang gawain ang gagawin Niya, para maging handa tayo? Hindi sinasabi sa atin ng Diyos ang mga bagay na ito, patuloy lang Siyang nagpapahayag ng mga katotohanan, nakikipagbahaginan ng mga katotohanan, at nagtatalakay tungkol sa kaligtasan. Hindi Niya kailanman tinatalakay kung ano ang mangyayari kalaunan, o ang tungkol sa hinaharap, o kung kailan papasok ang sangkatauhan sa isang magandang hantungan, o kung kailan matatapos ang buhay ng laman; pinaghihintay lang Niya tayo nang pinaghihintay.” Walang kaalaman ang mga tao sa gawain ng Diyos. Sa mas partikular, hindi malinaw sa kanila kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung anong mga pamamaraan ang ginagamit Niya para iligtas ang mga tao, kung anong partikular na gawain ang isinasakatuparan ng Diyos sa lahat ng gawain Niya para bigyang-kakayahan ang mga tao na maligtas, at iba pa. Sa halip, palagi silang namumuhay sa loob ng sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at itinuturing ang gawain ng Diyos bilang isang pormalidad o bilang isang mahiwagang uri ng mahika. Para bang ang Kanyang gawain ay retorika lang at walang anumang partikular na nilalaman—kailangan lang magsabi ng Diyos ng ilang salita at maisasakatuparan na ang anumang sabihin Niya, at hindi magbabago ang anumang iutos Niya, at pagkatapos ay magbabago ang mga tao, at magiging katulad mismo ng itinakda sa Aklat ng Pahayag, nagiging mga banal at ginagawang banal. Anuman ang mga malapantasya at walang kabuluhang ideyang mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, partikular man ang mga ito o hindi, sa kabuuan, ang mga tao ay puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanyang gawain, at palagi silang namumuhay sa loob ng mga walang kabuluhang kuru-kuro at imahinasyon sa kung paano nila hinaharap ang gawain ng Diyos, at sa kung paano nila hinaharap ang bawat partikular na detalye ng gawaing ginagawa ng Diyos at bawat partikular na bagay na sinasabi Niya para iligtas ang sangkatauhan. Siyempre, ang karamihan ng tao ay mayroon lang isang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, iyon ay na sa sandaling matapos na ang gawain ng Diyos, nakaraos na sa wakas ang mga tao, at basta’t kaya nilang maghintay hanggang sa matapos na gawain Niya at mananatili silang buhay sa panahong iyon, panalo na sila, at magiging sulit ang lahat ng tinalikuran at inalay nila, at ang mga paghihirap na pinagdusahan nila, at ang mga halagang binayad nila. Batay rito, sa isang banda, puno ng kung ano-anong imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Sa kabilang banda, hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos; sa halip, may katangian ng pagsusugal sa kanilang pananalig—isinusugal nila ang buhay nila at ang lahat ng pag-aari nila, ang kinabukasan nila, ang buhay may-asawa nila, at ang lahat ng mayroon sila, at iniisip nilang kailangan lang nilang magtiis hanggang sa matapos ang gawain ng Diyos, at na basta’t buhay pa rin sila kapag pinroklama na ng Diyos na tapos na ang gawain Niya, kung gayon ay makikinabang na sila, at mababawi na nila ang lahat ng ibinayad nila. Hindi ba’t ganoon mag-isip ang mga tao? (Oo.) Ngayong nagtalakayan na tayo nang mahaba tungkol dito, ano ang mga pangunahing kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? (Naniniwala ang mga tao na ang gawain ng Diyos ay puno ng mga himala, at na kayang linisin ng Diyos ang mga tao gamit lang ang ilang salita, at na makakapasok sila sa kaharian ng langit nang hindi na kailangan pang magbayad ng anumang halaga o maghangad sa katotohanan.) Ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Ano pa ang ibang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Hindi alam ng mga tao kung anong resulta mismo ang gustong makamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain sa mga tao, at iniisip nila na basta’t kaya nilang magtiis hanggang sa matapos na ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pag-asang makapasok sa kaharian ng langit.) Isa rin itong kuru-kuro at imahinasyon—iniisip ng mga tao na ang gawain ng Diyos ay isang pormalidad at proseso lang. Ano pa ang mayroon? (Sa pananampalataya nila sa Diyos, hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, sa halip, may katangian ng pagsusugal sa pananalig nila.) Isa ba itong kuru-kuro at imahinasyon? Ito ang diwa ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos at ang diwa ng kanilang paghahangad. Anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon sa loob nito? Hindi ba’t ito ay na iniisip ng mga tao na basta’t tinatalikuran nila ang lahat ng bagay at ginagawa nila ang isang tungkulin habang sumusunod sa Diyos, mababago sila, na para bang dahil sa mahika? (Oo.) Ang mga kaisipan ng mga tao ay labis na walang kabuluhan, nag-aalala sa mahihiwagang bagay, at malapantasya. Iniisip ng mga tao na hindi nila kailangang tumanggap ng pagkastigo, paghatol, o pagpupungos, o ng pagtutustos ng mga salita ng Diyos, na kailangan lang nilang sumunod sa Diyos sa ganitong paraan, ginagawa ang anumang mga tungkuling pinapagawa sa kanila, at na hangga’t sumusunod sila hanggang sa huli, mababago sila, at sa huli ay makakapasok sila sa kaharian ng langit kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga ito? (Oo.)
Ang mga tao ay puno ng lahat ng uri ng kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Ang pinagbahaginan natin kanina ay tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa mga araw ng gawain ng Diyos. Dagdag pa sa mga kuru-kurong ito, may isa pang uri ng kuru-kuro at imahinasyon. Ito ay na sa tuwing nahaharap ang mga tao sa ilang totoong paghihirap, madalas silang umaasa sa kanilang pampersonal na kalooban na makakakuha sila ng biglaang inspirasyon mula sa Diyos at pagkatapos ay gagana ang utak nila, nang hindi na nila kailangan pang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, sangkapan ang sarili nila ng katotohanan, o arukin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga ordinaryong pagkakataon, at na matutulungan sila ng Diyos na lutasin ang anumang isyung kakaharapin nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay, gaano man ito kalaki o kaliit. Ang pagkaarok at pagkaunawa ng mga tao sa gawain ng Diyos ay labis na malapantasya at walang kabuluhan, at puno rin ang mga tao ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa mga pamamaraan ng Diyos ng pagligtas sa tao. Ayaw ng mga tao na maghanap ng iba’t ibang katotohanan sa gawain ng Diyos at harapin ang bawat usapin sa isang praktikal na paraan nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, umaasa sila na sa tuwing mahaharap sila sa anumang uri ng isyu, bibigyan sila ng Diyos ng liwanag at mga pagbubunyag, tulad ng kung paano Niya binigyan ng mga pagbubunyag ang mga propeta, para anuman ang sumapit sa kanila sa tunay nilang buhay, magkakaroon sila ng karunungan at abilidad, at mga pamamaraan para harapin ang lahat ng uri ng isyu, nang hindi na nila kailangang magdasal sa Diyos o maghanap sa katotohanan, o kumain o uminom ng mga salita ng Diyos, na para bang namumuhay sila sa isang mundo ng mahika. Ayon sa mga imahinasyon ng mga tao, iniisip nila na sa sandaling magsimula silang manampalataya sa Diyos, magiging matalino at mautak sila. Iniisip pa nga ng ilan na sa sandaling magsimula silang manampalataya sa Diyos, magiging mayumi sila, at hindi na sila magkakaroon ng anuman sa mga paghihirap at problema ng laman, o ng paghadlang ng mga tiwaling disposisyon, o anumang mga totoong paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Naniniwala sila na hangga’t may kahandaan silang bigyang-lugod ang Diyos, bibigyan Niya sila ng lakas at lilikha Siya ng mabubuti at mga nakakataas na sitwasyon para sa kanila, gagawin Niyang realidad ang lahat ng ito, at isasakatuparan Niya ang lahat ng inaasam at kahilingan nila, at na, lalo na kapag nahaharap sila sa mga bagay na lampas sa kayang makamit ng kanilang kakayahan at likas na gawi, higit na tutulong ang Diyos para matalino at madali nilang magawa ang mga bagay na gusto nilang gawin. May ilang tao rin na may mahinang kakayahan at walang mga kasanayan sa bawat uri ng propesyon na iniisip na kailangan lang ng Diyos na gumawa ng himala o kamangha-manghang bagay at bigla na lang magiging mahusay ang kakayahan nila, at bigla silang magiging matalino. Naniniwala rin silang walang mahirap na makamit para sa Diyos, at na kaya silang tulungan ng Diyos na maisakatuparan ang mga bagay na hindi nila kayang maisakatuparan nang sila lang, at tulungan silang lutasin ang mahihirap na problemang hindi nila kayang lampasan nang sila lang at na lampas sa mga abilidad nila. Sa kabuuan, sa gawain ng Diyos, maraming kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao. Sa isang banda, puno sila ng iba’t ibang imahinasyon tungkol sa tagal ng gawain ng Diyos, at gumawa na rin sila ng iba’t ibang aksiyon at nagbayad ng iba’t ibang halaga sa aspektong ito. Kasabay nito, puno rin ang mga tao ng kung ano-anong kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa iba’t ibang paghihirap at problemang nakakaharap nila, at maging tungkol sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Karamihan sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay walang kabuluhan, malapantasya, at hindi makatotohanan, at higit pa rito, lampas ang mga ito sa mga kakayahan at isipan ng mga tao, at lagpas sa saklaw ng kanilang mga likas na gawi. Madalas umaasa ang mga tao na hindi kikilos ang Diyos batay sa kanilang mga aktuwal na paghihirap, o batay sa kanilang kakayahan, isipan, at mga likas na gawi, at sa halip ay bibigyang-kakayahan Niya sila na lampasan ang lahat ng ito, at lampasan ang kanilang normal na pagkatao at ang kanilang kakayahan at mga likas na gawi na gawin ang ilang bagay. Puno ang mga tao ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at ang nilalaman ng mga imahinasyon nila ay labis na mahiwaga. Ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay ganap na kontra at mapanlaban sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Hindi iniisip ng mga tao: Kung ginagawa ng Diyos ang mahihiwagang bagay na ito, bakit nagsasabi pa rin Siya ng napakaraming salita at nagtutustos ng napakaraming katotohanan sa mga tao? Hindi na Niya kakailanganing gawin iyon. Ang dahilan kung bakit napakapraktikal ng gawain ng Diyos ay dahil umaasa ang Diyos na maitustos Niya ang lahat ng salita Niya at ang lahat ng katotohanan sa mga tao at isagawa ang mga ito sa mga tao, para makapamuhay sila batay sa mga salita at katotohanang ito. Ang layunin Niya ay hindi ang bigyang-kakayahan ang mga tao na lampasan ang normal na pagkatao o ang mga likas nilang gawi, kundi ang bigyang-kakayahan sila, batay sa normal na pagkatao, na panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo, at panghawakan ang mga tungkulin at atas na ibinigay sa kanila ng Diyos. Gayumpaman, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay ang mismong kabaligtaran ng gawain ng Diyos, at ang mga ito ay hindi talaga naaayon sa paraan ng paggawa ng Diyos. Gusto ng Diyos na gumawa sa isang praktikal na paraan, samantalang ang mga imahinasyon ng mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos ay nakatuon sa mahihiwagang bagay, na walang kabuluhan, at hindi makatotohanan. Siyempre, umaasa ang ilang tao na gagamit ang Diyos ng ilang mas espesyal na pamamaraan para bigyan sila ng mga pagbubunyag, para tustusan sila, suportahan at tulungan sila, at baguhin pa nga sila at bigyang-kakayahan sila na maligtas. Halimbawa, sa tuwing nahaharap ang ilang tao sa isang isyu, madalas na hindi sila tumitingin sa loob ng mga salita ng Diyos para sa mga kasagutan o mga landas ng pagsasagawa, sa halip ay lumuluhod sila, pumipikit, at nagdarasal. Hindi nila hinahanap ang katotohanan tungkol sa problema kapag nagdarasal sila, at pagkatapos ay hindi nila hinahanap ang mga nauugnay na mga salita ng Diyos para lutasin ito. Sa halip, umaasa sila na masasabi sa kanila ng Diyos sa puso nila kung ano ang dapat nilang gawin; o na bibigyang-liwanag sila ng Diyos gamit ang isang pangungusap, isang ideya, o isang imahe; o bibigyang-kakayahan sila na magkamit ng kaunting liwanag at bibigyan sila ng kaunting motibasyon—gusto nilang maunawaan ang katotohanan sa ganitong paraan. Siyempre, may ilang tao na mas sukdulan ang ginagamit na pamamaraan, iyon ay na, sa tuwing nahaharap sila sa isang problema, umaasa sila na mabubunyag sa kanila ng Diyos sa isang panaginip ang isang sipi ng mga salita Niya, sinasabi sa kanila kung dapat ba nilang gawin ang kung anong bagay at kung paano nila ito gagawin, o kung dapat ba silang pumunta sa kung saang lugar, o kung dapat ba nilang ipangaral ang ebanghelyo kay Ganito-at-ganyan. Ang ilang tao, kapag nahaharap sa malalaking paghihirap, ay umaasang makatanggap ng isang panaginip o makuha ang kasagutan sa isang panaginip, at umaasa pa nga silang masuri at mabigyang interpretasyon ang panaginip nila kasama ang mga kapatid o ang mga lider ng iglesia, iniisip nila, “Ano ang kahulugan ng panaginip na ito na ibinigay sa akin ng Diyos? Ano ang gusto Niyang gawin ko? Sinasabihan ba Niya akong magpunta o hindi?” Naniniwala sila na ang gawain ng Diyos ay bigyan ng mga pagbubunyag ang mga tao, akayin ang mga tao, at tustusan ang mga tao gamit ang mga espesyal na pamamaraang ito, at sa gayon ay bigyan sila ng kakayahang maligtas. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro at imahinasyon? (Oo.) May ibang tao na, kapag sumasapit sa kanila ang isang problema, at hindi nila alam kung ano ang gagawin at hindi sila nakakatanggap ng mga kasagutan mula sa Diyos kapag nagdarasal sila, ay nauuwi sa pagdedesisyon sa pamamagitan ng paghahagis ng isang barya. Halimbawa, pagdating sa pagpunta sa isang lugar para ipangaral ang ebanghelyo, nagdarasal sila sa Diyos tungkol sa kung dapat ba silang magpunta o hindi at hindi sila nakakakuha ng kasagutan, at ano ang ginagawa nila kapag nagkagayon? Naghahagis lang sila ng isang barya para magdesisyon kung magpupunta ba sila o hindi. Iniisip nila na kung lalagapak ito nang ulo ang nasa ibabaw, patunay ito na gusto ng Diyos na magpunta sila, samantalang kung buntot ang nasa ibabaw, patunay ito na ayaw ng Diyos na magpunta sila. Hinahagis nila ang barya nang tatlong beses at isang beses ay ulo ang pumaibabaw at dalawang beses na pumaibabaw ang buntot, kaya ang nagiging kongklusyon nila, “Dalawang beses umibabaw ang buntot, ibig sabihin, ayaw ng Diyos na magpunta ako,” at hindi sila nagpupunta. Panatag pa nga sila sa hindi nila pagpunta, iniisip nila na kagustuhan ito ng Diyos, at sinasabi nila sa sarili nila, “Dapat kong sundin ang patnubay ng Diyos. Desisyon ito ng Diyos, hindi ko ito desisyon. Dapat akong magpasakop sa patnubay ng Diyos at hindi ako dapat magpunta.” Kaya, dapat ba silang magpunta o hindi? Makakakuha ba ng tumpak na kasagutan ang paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa ganitong paraan? Tiyak na hindi magiging tumpak ang kasagutan. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat kang magdesisyon batay sa mga prinsipyo, at kung tinutulutan ba ito ng mga sitwasyon—ito lang ang tamang pamamaraan. Ang pangangaral sa ebanghelyo ay tungkulin mo, gampanin mo, at ang gawaing dapat mong gawin ngayon, kaya dapat kang magpunta—tama lang na magpunta ka. Gayumpaman, madalas na hindi naaarok o napapangasiwaan ng mga tao ang mga gayong usapin batay sa mga realidad na ito. Sa halip, madalas nilang hinaharap ang mga ito batay sa ilang kuru-kuro at imahinasyon, at hinuhusgahan nila ang mga ito gamit ang ilang di-karaniwang gawi at pamamaraan, at sa huli ay gumagawa sila ng mga baligho at baluktot na desisyon. Hindi ba’t dulot ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon nila? (Oo.) Sa loob ng gawain ng Diyos, kapag hindi nagbibigay ang Diyos ng malilinaw na salita para sabihin sa mga tao kung paano dapat gawin ang bawat bagay o kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin sa pagharap sa bawat uri ng isyu, kailangang sumunod ng mga tao sa direksiyon ng Banal na Espiritu at sumunod sa patnubay na ibinibigay ng Diyos sa kanila sa loob ng mga totoong sitwasyon. Siyempre, kailangan din nilang makipagtalakayan o magdasal o maghanap kasama ang kanilang mga kapatid, at sa huli ay pagdesisyunan kung paano haharapin ang kasalukuyang isyu batay sa aktuwal na sitwasyon. Gayumpaman, sa gawain ng Diyos, kapag may malilinaw na salita at tuntunin ang Diyos na sinasabi sa mga tao ang mga prinisipyo ng pagsasagawa para sa iba’t ibang usapin, ang mga dating ginagawang pormalidad na ito ay maaari nang isantabi, at hindi na kailangang sundin ng mga tao ang mga ito. Kung patuloy man silang susunod sa mga ito, makakaantala lang ito sa mga bagay-bagay. Halimbawa, ipagpalagay na, sa tuwing may nangyayari at kinakailangang magpunta at kumilos, lumuluhod pa rin ang mga tao at nagdarasal, nagtatanong, “O Diyos, dapat ba akong magpunta o hindi? Kung ayaw Mong magpunta ako, lumikha Ka na lang ng sitwasyon para hadlangan ako, o kung gusto Mo akong magpunta, gawin mo na lang na maging maayos ang takbo ng lahat ng bagay para sa akin.” Ito ay mabusising pagsunod sa mga pormalidad at hindi ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kapag may malilinaw na salita ang Diyos tungkol sa Kanyang mga hinihingi at pamantayan, hindi na kailangang dumaan ng mga tao sa anumang mga pormalidad ng paghahanap, pagdarasal, pagsisiyasat, at iba pa. Sa halip, sa isang banda, dapat silang kumilos ayon sa aktuwal na sitwasyon at mga totoong sitwasyon, at sa kabilang banda, higit sa lahat, dapat silang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—tama ito. Bawat araw, pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa wastong kaayusan, gawin ang anumang dapat mong ginagawa, at huwag gawin ang mga bagay na hindi mo dapat ginagawa; harapin ang anumang apurahan at kailangang harapin, ipagpaliban ang anumang puwedeng isantabi muna, at asikasuhin muna ang mga apurahang usapin. Hindi ba’t mga prinsipyo ang mga ito? (Oo.) Mga prinsipyo nga ang mga ito. Dapat mo itong tandaan: Kapag nagdarasal ka sa Diyos at hinahangad mong maarok ang Kanyang mga layunin, dapat mong gawin ito batay sa mga salita Niya; sa mga espesyal na sitwasyon, tulad ng kapag walang malilinaw na salita mula sa Diyos na nagbibigay ng tagubilin, dapat mo pa ring malaman na mayroon Siyang malilinaw na salita at mga prinisipyo ng pagsasagawa para sa lahat ng uri ng usapin, at sa mga gayong kaso, dapat kang kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinipsyo na ginamit ng Diyos para bigyang babala ang mga tao noon. Gayumpaman, sa isip nila, nakabuo na ang mga tao ng maraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos na katawa-tawa, kakaiba, at nakatuon sa mahihiwagang bagay, na ginagawang mga dekorasyon at walang kabuluhang doktrina ang mga salita ng Diyos at ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, at dahil dito, ang mga ito ay hindi maaaring maging mga pamantayan ng mga tao para sa pangangasiwa ng mga bagay o mga landas ng pagsasagawa kapag sumasapit sa kanila ang mga problema. Kalunos-lunos ang bagay na ito, at ito ay ganap na dahil sa katunayang nakabuo ang mga tao ng napakaraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos.
Ang mga tao ay may iba pang mga katawa-tawa, kakaiba, at kakatwang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos na lumalaganap sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, nang gagawin na ng isang tao ang isang gampaning dapat niyang ginagawa, may nangyari na sa tingin niya ay hindi dapat nangyari, tulad ng nanakaw ang telepeno niya habang papunta siya para gawin ang gampanin, o tumirik ang kotse niya o natumba siya habang papunta siya roon, o may iba pang naging problema. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig bang sabihin nito na hinahadlangan sila ng Diyos mula sa paggawa ng gampaning ito? Ibig bang sabihin na hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos ang paggawa sa gampaning ito? Ibig bang sabihin na hindi dapat gawin ang gampaning ito? Dapat ba itong unawain at arukin sa ganitong paraan? (Hindi.) Kung ito ang pinakamahalagang bagay na dapat mong gawin ngayon sa paggampan ng tungkulin mo, at nagpunta ka at ginawa mo ito, kung gayon, kahit maharap ka sa ilang problema at paghihirap sa daan, o maging mga bagay na iniisip ng mga tao na hindi dapat mangyari, hindi masasabi na ang tungkuling ito na ginagampanan mo at ang trabahong ito na ginagawa mo ay hindi nakakalugod sa Diyos, o na hinahadlangan ka ng Diyos mula sa paggawa ng mga bagay na ito—isa iyong kuru-kuro at imahinasyong pantao. Kung gusto kang hadlangan ng Diyos, hindi Niya gagamitin ang mga pamamaraang iyon. Sa halip, direkta siyang mamamatnugot ng isang sitwasyon para hindi ka na likas na kailangang magpunta at gawin ang gampaning iyon. Ibig sabihin, gagawing napakalinaw ng Diyos sa isipan mo na may mas mahalagang bagay na dapat mong gawin ngayon, at dahil dito, kailangan iusog sa ikalawa o ikatlong bilang sa listahan mo ang gampaning iyon, at saka na lang gawin. Paano ka man magkalkula, matatanto mo na imposibleng maisakatuparan ang gampaning iyon ngayon bataw sa aktuwal na sitwasyon. Ito ay paghadlang sa iyo ng Diyos. Pero, anuman ang isipin mo, at anumang mga problema o paghihirap ang lumitaw sa proseso ng pagsasakatuparan ng gampaning iyon, ano’t anuman, kung dapat na gawin ang gampaning iyon ngayon, dapat kang magpunta at gawin ito. Kung hahadlangan ka ng Diyos, gagamit Siya ng mga pinakaangkop at pinakanababagay na pamamaraan para natural mong sukuan ang gampaning iyon—ganito gumawa ang Diyos. Ang paraan ng paggawa ng Diyos ay hayaan ang mga tao na gawin ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga likas na gawi ng sangkatauhan. Sa isang banda, ito ang saloobing dapat mayroon ang mga tao. Sa kabilang banda, nariyan din ang salik ng mga obhetibong sitwasyon—kung tinutulutan ng mga sitwasyon na magawa ang gampanin, dapat itong magawa; kung hindi ito tinutulutan ng mga sitwasyon, dapat maghintay muna nang ilang saglit ang mga tao bago ito gawin. Ano ang layon ng paghihintay? Ito ay ang maghintay para sa tamang oras at mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos. Kung ang mga sitwasyon ay palaging hindi naaangkop at palaging nagkakaaberya ang mga bagay-bagay habang sinusubukan mong gampanan ang gampaning ito, hindi mo ito dapat gawin. Nauunawan mo ba? (Oo.) Sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, hindi na nila kailangang subukang arukin kung ano ang nararamdaman nila sa kanilang espiritu kapag gumagampan sila ng mga gampanin, anumang uri ng mga gampanin ang mga ito, malaki o maliit man na usapin ang mga ito, o personal na usapin man ang mga ito o mga usapin ng iglesia. Kung pinanghihinaan ka ng loob ngayon, at sa puso mo, ayaw mong gumawa ng isang gampanin, tanungin mo ang ibang kasama mong gagampan dito kung pinanghihinaan ba sila ng loob. Kung hindi naman pinanghihinaan ng loob ang iba, at handa sila sa puso nila na gawin ang gampanin, pero iniisip mong hindi ito dapat gawin batay sa mga sarili mong damdamin, hindi ba’t masyado kang nagiging personal tungkol dito? (Oo.) Samakatwid, sa tuwing ginagampanan ng mga tao ang isang gampanin, kahit papaano ay dapat nilang maunawaan na hindi nila dapat subukang arukin ang mga damdamin nila o kumilos batay sa mga damdamin nila. Halimbawa, sabihin nang kailangan mong gampanan ang isang gampanin, at medyo kinakabahan ka, kibot nang kibot ang mata mo, at umuugong ang mga tainga mo, at sasabihin mo, “Kumikibot ang talukap ng kanang mata ko, masamang pahiwatig ba ito? Dapat ko bang gampanan ang gawaing ito?” Pagkatapos ay may magsasabi, “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna,” at pagkatapos itong marinig, hindi ka nangangahas na magpunta at gawin ang gampanin. Aling mata mo man ang kumikibot, kung isa itong gampaning napagkasunduan na noon, at nakahanda na ang lahat ng salik na kailangan para gawin ang gampaning ito, at tama ang oras at lugar, dapat kang magpunta at gawin ito. Kung magpapasya kang huwag magpunta dahil lang sinabi ng isang tao na ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna, angkop ba iyon? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? Kung responsabilidad mo ito at tungkulin mo, at ngayon ay tinutulutan ng mga obhetibong sitwasyon at ng lahat ng kondisyon na magawa ito, at higit pa rito, kailangang magawa nang apurahan ang gampanin, dapat kang magpunta at gawin ito. Ano naman kung kumikibot ang kanang talukap mo? Maaaring lumitaw ang kung anong maliit na isyu at hindi naging masyadong maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, pero nagagawa pa rin ang gampanin sa kabila niyon. Kapag hinadlangan ito ng Diyos at hindi ito tinutulutan ng mga sitwasyon, saka ka lang maaaring hindi magpunta at gawin ang gampanin. Sinasabi ng isang tao, “Tiyak na may mali kung kumikibot ang kanang talukap mo,” pero may ibang nagsasabi, “Isa itong gampaning napagkasunduan dati pa, kaya dapat tayong magpunta at gawin ito.” Sa huli, nagpupunta pa rin kayong lahat para gawin ito, pero hindi inaasahang tumirik ang sasakyan sa kalagitnaan ng byahe. Sabihin ninyo sa Akin, kapag kumibot ang kanang mata ng isang tao habang papaalis na ang grupo, dapat ba silang magpunta pa rin? Gusto Kong makita kung talaga bang nauunawaan ninyo ang katotohanan o hindi. Ano sa tingin ninyo, magiging tama ba na magpunta at gawin ang gampaning ito? (Oo.) Sigurado iyan. Hindi ninyo puwedeng husgahan kung dapat ba kayong magpunta o hindi batay sa kung kumikibot ba ang kanan o kaliwang talukap ninyo. Una sa lahat, tama ang magpunta para gawin ang gampaning ito. Kaya bakit tumirik ang kotse habang papunta sila roon? Tinulutan ba iyon ng Diyos? Mahirap ipaliwanag, hindi ba? (Ang pagtirik ng kotse habang papunta sila roon ay maaaring dulot ng kapabayaan ng tao, tulad ng kung hindi nasuri ang kotse bago ang byahe para matingnan kung may anumang problema ba ito.) Isang posibleng dahilan iyon. Kung isasantabi natin ang dahilang iyon, normal ba na tumirik ang isang kotse sa kalagitnaan ng byahe? (Oo.) Kung bumili ka ng segunda manong kotse na mula sa Tsina na hindi naman napakaganda ng kalidad, at hindi mo naman ito minimintina o kinukumpini nang maayos at minamaneho mo lang ito nang minamaneho, titirik talaga ang kotse sa kalagitnaan ng byahe. Kung tumirik ang kotse sa kalagitnaan ng byahe, ibig bang sabihin niyon na hindi talaga puwedeng maisakatuparan ang gampanin? (Hindi naman.) Tumirik ang kotse at inabot ng isa o dalawang oras para kumpunihin ito. Pagkarating mo sa destinasyon, sinabi ng mga kapatid doon, “Buti ngayon ka lang dumating. Kakaalis lang ng mga surveillance agents. Kung napaaga ka ng dalawang oras, tiyak na mahuhuli ka ng malaking pulang dragon. Muntikan na iyon!” Kita mo, naging mabuting bagay ang isang masamang bagay. Tama ba na nagpunta ka at ginawa mo ang gampanin? (Oo.) Mayroon bang mabuting layunin ng Diyos sa pagtirik ng kotse? (Mayroon.) Kaya, senyales ba ng malas o suwerte ang pagkibot ng kanang talukap mo? (Hindi ito malas ni suwerte. Walang nangyari na dahil dito. Kung pinutol natin ang kuwento sa punto ng pagtirik ng kotse, kung gayon, ang pahayag na “ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna” ay magiging tila napakatumpak. Ang pagtirik ng kotse ay isang kamalasan, hindi ba? Pero kung titingnan ang panghuling kinalabasan, lumabas na mabuting bagay ang pagtirik ng sasakyan. Kung hindi tumirik ang kotse, malalagay kayong lahat sa panganib sa sandaling marating ninyo ang destinasyon ninyo—hindi lang kayo mabibigong isakatuparan ang gampanin, maaaresto rin kayo. Pero ang nangyari, tumirik ang sasakyan sa byahe at inabot ng dalawang oras ang pagkumpuni rito, kaya nang nakarating na kayo sa destinasyon, lumipas na ang panganib at nakaligtas kayo. Pagprotekta ito ng Diyos sa inyo! Pag-isipan ito, kung titingnan mula sa perspektiba ng pagtirik ng kotse, tila hinahadlangan ng Diyos ang pagpunta ninyo, pero ang totoo, nalaman lang ninyo kung ano ang nangyari matapos na maayos ang kotse at nakarating kayo sa destinasyon nang wala nang ibang aberya. Paano ninyo tinitingnan ang mga prinsipyo at pamamaraan ng pagkilos ng Diyos sa panahon ng buong prosesong ito? Anong uri ng pagkaunawa ang dapat mayroon ang mga tao sa gawain ng Diyos? Ibuod ninyo ito, may mga katotohanang mahahanap dito, at titingnan Ko kung magagawa ninyong hanapin ang mga ito o hindi. (O Diyos, ang pagkaunawa ko ay na mabubuti o masasamang bagay man ang sumasapit sa mga tao, mayroong mabuting layunin ng Diyos dito.) Isang aspekto ito. (May isa pang aspekto, iyon ay na ang gawain ng Diyos ay hindi mahiwaga o malapantasya, kundi napakapraktikal.) Oo, mabuting pagkaunawa iyan. Ang gawain ng Diyos ay praktikal, at hindi ito malapantasya o mahiwaga; ang sinumang may normal na pagkatao ay kaya itong maramdaman at kaya itong malaman sa pamamagitan ng karanasaan, at isa rin itong bagay na kayang maarok ng mga tao. Hindi ba’t ito ang pagkaunawang dapat mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? (Oo.) Dagdag pa sa pagkaunawang ito, ano pa ang dapat maunawaan ng mga tao? Dapat nilang maunawaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sa gawain ng Diyos, ang bawat partikular na bagay na ginagawa Niya ay binibigyang-kakayahan ang mga tao na makitang labis na praktikal ang mga kilos Niya. Sa simula, noong papaalis pa lang ang grupo ninyo, nagdiskusyon ang ilan sa inyo kung magpupunta ba kayo o hindi. Hindi kayo hinadlangan ng Diyos; hindi Niya idinulot na kayo ay mahilo, o magsuka, o magtae. Hindi Niya kayo hinadlangan, hindi rin Niya kayo hinikayat na magpunta. Hindi ba’t napakapraktikal nito? Hinayaan Niya ang grupo na pagtalakayan ito nang magkakasama. Sinabi ng ilang tao na kumikibot ang kanang talukap nila, samantalang sinabi naman ng iba na hindi komportable ang pakiramdam ng kalooban nila, pero umaasa ka man sa mga damdamin o lagay ng loob mo, o sa mga imahinasyon tungkol sa mahihiwagang bagay, sa huli ay dapat kang magpunta sa dapat mong puntahan, at hindi ka hinadlangan ng Diyos sa anumang paraan. Hindi ba’t napakapraktikal para sa Diyos na gumawa sa ganitong paraan? (Oo.) Ang mga kilos ng Diyos ay hinding-hindi walang kabuluhan; tinutulutan ang lahat ng uri ng pagpapamalas na pantao, na maaari pa ngang kabilangan ng pagkibot ng mga talukap ng ilang tao. Sabihin ninyo sa Akin, mapipigilan o makokontrol ba ng Diyos ang pagkibot ng mga talukap ng mga tao? Hindi ba’t magiging napakadali para sa Diyos na kontrolin ito? Pero ginawa ba Niya iyon? (Hindi.) Hindi iyon ginawa ng Diyos. Hindi Siya nakialam, binigyan ka Niya ng kalayaan. Kumibot nga ang talukap ng mata mo, pero sa huli, umalis pa rin ang grupo—napakapraktikal ng lahat ng ito. Pero may problema sa destinasyon, at hindi inalis ng Diyos ang panganib na ito dahil lang papunta kayo roon. Hindi iyon ginawa ng Diyos, at nangyari pa rin ang problema gaya ng nararapat. Pero may ginawang katalinuhan ang Diyos: pinatirik Niya ang kotse ninyo habang nasa kalagitnaan kayo ng biyahe, para kapag naayos na ang kotse at nakarating na kayo sa destinasyon, lumipas na ang panganib. Pagpoprotekta ito ng Diyos sa inyo. Kita mo, dahil sa oras na ito ng pagkaantala, matalino Niyang binigyan ka ng kakayahan na makaiwas sa panganib. Napakapraktikal ng lahat ng ginagawa ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Kaya ipinapakita nito sa iyo, sa isang napakapraktikal na paraan, na hindi talaga walang kabuluhan o mahiwaga ang ginagawa ng Diyos, at natural at di-maiiwasan ang kaganapan ng bawat bagay, bagkus ay naroroon ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Sa buong panahon ng kaganapan, anuman ang mga imahinasyon ng mga tao, anuman ang kanilang mga paghihirap, kahinaan, at problema, tama man o mali ang mga pananaw na tinalakay nila nang magkakasama, wala sa mga ito ang nakaapekto sa kung ano ang nangyari sa huli, hindi rin ito nakaapekto sa di-maiiwasang kinalabasan ng kaganapan. Naganap ang bawat bagay na dapat maganap, nangyari ang problemang dapat na mangyari, tumirik ang kotse na dapat talagang tumirik, at nabunyag din ang mga pananaw ng mga tao, pero nangyari pa rin ang huling kinalabasan ng kaganapan nang ayon sa paraang inihanda ng Diyos, at nang ayon sa paunang itinakda ng Diyos at sa kung paano pinagharian ng Diyos ang kaganapan. Ito ang pagkamakapangyarihan-sa lahat ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Nangyari ang lahat ng ito nang napakapraktikal at napakanormal, tulad lang ng lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao bawat araw sa kanilang pang-araw-araw na buhay; nangyari ito nang natural at hindi ito mahiwaga, malapantasya, o walang kabuluhan. Samakatwid, sa usaping ito, dapat maunawaan ng mga tao na ang gawain ng Diyos ay praktikal at na may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa lahat ng bagay. Paano dapat magsagawa ang mga tao? Una sa lahat, dapat nilang maunawaan kung aling mga prinsipyo ang dapat nilang sundin anuman ang sumapit sa kanila. Kung bumabatay lang sila sa mga damdamin ng tao, hindi iyon maaasahan. Hindi sila dapat bumatay sa mahihiwagang damdamin, o basta-bastang manghula batay sa mga walang kabuluhang imahinasyon. Sa halip, dapat silang magpunta at gawin nila ang dapat nilang gawin batay sa mga aktuwal na sitwasyon at sa mga tungkuling dapat nilang gawin. Dagdag dito, ang mahalagang bagay ay na magpunta sila at gawin ang dapat nilang gawin batay sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t mas lalong madali ito kung gayon? (Oo.) Samakatwid, anumang mga problema ang nakakaharap mo, at anumang yugto ng gawain ng Diyos ang naabot mo, hindi mo kailangang bumatay sa mga damdamin mo, hindi mo kailangang tingnan kung ang isang petsa ay paborable o hindi, at siyempre, lalong hindi mo kailangang tumingin sa anumang astronomikal na penomeno o makinig sa anumang mga propesiya—gawin mo lang ang dapat mong gawin. Ang ilang tao ay mahilig tumingin sa mga astronomikal na penomeno o tingnan kung ang mga petsa ay paborable o hindi, sinasabi, “Hindi maganda ang petsa bukas, magkakaaberya ba ang lahat ng bagay kung lalabas ako? Mang-aaresto ba ang malaking pulang dragon? Bakit may umiiyak na uwak sa may pinto ko nang gumising ako nang maaga at lumabas kaninang umaga? Nabalitaan kong nakakita ng itim na pusa ang ilang tao noong lumabas sila kagabi. Lahat ng ito ay mga hindi magandang senyales! Ano ang dapat kong gawin? May magaganap bang kung anong panganib?” Kung may normal kang pagkatao at normal na pag-iisip ng tao, dapat ay magawa mong husgahan kung anong mga uri ng sitwasyon ang mapanganib at kung anong uri ng mga sitwasyon ang medyo ligtas, at dapat mong malaman kung paano harapin at pakitunguhan ang mga ito ayon sa aktuwal na sitwasyon—hindi mo kailangang tingnan ang ibang mga bagay na iyon. Tungkol naman sa kung ano ang dapat mong gawin at hindi dapat gawin araw-araw, sa isang banda, may malilinaw na salita ang Diyos na nagsisilbing mga katotohanang prinsipyo, at sa kabilang banda, may normal kang pagkatao, konsensiya at katwiran, at hangga’t ginagawa mo ang dapat mong gawin araw-araw batay sa pagsasaayos ng mga aktuwal na sitwasyon at sa direksiyong ibinibigay nila, at batay sa aktuwal na mga pangangailangan ng normal na pagkatao at ng sarili mong mga responsabilidad at obligasyon, ayos lang iyon. Kung haharapin ng mga tao ang pang-araw-araw nilang buhay sa ganitong paraan, hindi ba’t magiging mas simple ang mga bagay-bagay? (Oo.)
Bagama’t ang gawain ng Diyos ay makapangyarihan sa lahat at kamangha-mangha, at bagama’t ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at buhay, hindi posibleng gawing ganap o baguhin ang mga tao sa isang iglap. Ang ilang tao, batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, ay madalas na sinasabi, “Napakaraming taon ko nang nananampalataya sa Diyos, kaya bakit hindi pa rin ako nagbabago? Bakit hindi ko pa rin nakakamit ang pagkabanal? Bakit mahal ko pa rin ang mundo sa puso ko? Bakit napakapalalo ko pa rin? Bakit may buktot na pagnanasa pa rin ako? Mahilig ako dating manood ng ilang video at nakalilibang na palabas ng mundo ng walang pananampalataya. Bakit gusto ko pa ring panoorin ang mga ito paminsan-minsan, kahit na nananampalataya naman ako sa Diyos hanggang ngayon, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos sa loob ng napakaraming taon, ginagawa ang tungkulin ko, tinatalikuran ang mga bagay-bagay, at ginugugol ang sarili ko sa loob ng maraming taon, at pakiramdam ko ay nabitiwan ko na ang mga bagay na ito sa puso ko?” Ang mga ito ay ilang kuru-kurong mayroon ang mga tao, hindi ba? Sa partikular, sa pananampalataya nila sa Diyos, ang ilang tao ay palaging naghahangad ng mga bagay tulad ng pagsupil sa katawan nila, hindi pag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, pagtitiis ng higit na pagdurusa at pagpapakapagod, at ang magawang malampasan ang maraming paghihirap ng katawan. Pero sa kabila ng katunayan na patuloy silang naghahangad sa ganitong paraan, nararamdaman pa rin nila na madalas silang nakokontrol ng mga labis-labis na pagnanais, paghahanap ng kaginhawahan, at katamaran ng laman, at kaya madalas silang negatibo at nawawalan ng pananalig sa Diyos, iniisip nila, “Umabot na sa puntong ito ang gawain ng Diyos, kaya bakit masyado akong nakakadismaya at madalas pa rin akong negatibo?” Minsan, kapag nakapagkamit na sila ng kaunting resulta sa isang gampanin at nagkamit na ng pagsang-ayon ng lahat, napapanatag sila at iniisip nila, “May pag-asa pa akong maligtas. Nakapakabuti ng gawain ng Diyos at ng mga salita Niya. Talagang makapagbabago ng mga tao ang gawain Niya.” Pero pagkalipas ng ilang panahon, pakiramdam nila ay nangugulila pa rin sila sa mga mahal nila sa buhay. Sa partikular, minsan ay inaalala pa nila ang mga tao na minsan nilang hinangaan, at inaalala nila nang may sentimyento ang makamundong buhay na ipinamuhay nila noon, at talagang hinahanap-hanap nila ang maluluwalhating araw nila noong nasa mundo pa sila sa labas, at kaya nagtataka sila, “Bakit hinahanap-hanap ko pa rin ang mga bagay na iyon? Bakit hindi ko pa binibitiwan ng mga kasiyahan ng laman at bakit hindi ko pa inihihiwalay ang sarili ko sa mundo bilang isang nagawang banal? Bakit hindi pa ako nagbabago?” At sumasama na naman ang loob nila. Madalas nilang pagmuni-munihan ang mga kaisipan at pananaw na ito. Ang kalagayan nila ay mabuti minsan at masama minsan, saglit silang mahina at saglit namang malakas, saglit silang negatibo at saglit silang positibo. Madalas nilang hinuhusgahan ang sarili nila batay sa mga pagpapamalas nila sa pang-araw-araw na buhay. Kung nasa mabuting kalagayan sila, iniisip nilang pakay sila ng pagliligtas; kung nasa masamang kalagayan sila, pakiramdam nila ay wala silang pag-asang maligtas at na hindi na sila matutubos. Palagi silang nasa isang dulo ng kasukdulan. Kapag nasa mabuting kalagayan sila, pakiramdam nila ay isa silang santo at napakalapit nila sa Diyos, na walang anumang mga hadlang sa pagitan nila at ng Diyos, at nararamdaman nila na ang Diyos ay nasa tabi nila mismo. Kapag nasa masamang kalagayan sila, pakiramdam nila ay nalaglag sila sa ikalabing-walong palapag ng impiyerno at hindi nila makita o mahawakan ang Diyos, at pakiramdam nila ay napakalayo sa kanila ng Diyos. Bakit ganito? Bakit may mga ganito silang kalagayan? Normal ba o hindi normal ang mga ganitong kalagayan? (Hindi normal.) Kapag nasa mabuting kalagayan sila, ginagawa nila ang anumang isinasaayos ng iglesia na gawin nila, at kaya nilang lampasan ang anumang mga suliranin, tiisin ang anumang paghihirap, at bayaran ang anumang halaga. Pakiramdam nila ay sila ang pinakahigit na may kakayahan na magpasakop sa Diyos, na sila ay isang tao sa sambahayan ng Diyos na naghahangad sa katotohanan, at na walang suliranin ang makakatalo sa kanila. Nagtatrabaho sila nang husto na gawin ang tungkulin nila at handa silang magsikap. Hindi sila napapagod, gaano man sila magsalita kapag nakikipagbahaginan sila sa iba, at ayos lang sa kanila na magpaliban ng pagkain, o kulangin ng dalawa o tatlong oras ang tulog nila. Handa silang gugulin ang sarili nila para sa Diyos at ialay ang buong buhay nila sa Diyos. Dahil dito, pakiramdam nila ay nagbago na sila. Hindi na nila iniisip ang pamilya nila, hindi na sila nangungulila sa mga taong minsan nilang minahal, at hindi na nila inaalala nang may sentimyento ang mga kaluwalhatian at dangal na mayroon sila noon sa mundo. Iwinawaksi nila ang lahat ng iyon at buong pusong ginugugol ang sarili nila para sa Diyos, sumusunod sa mga prinsipyo, pinupungusan ang sinumang nagdudulot ng mga panggugulo at paggambala, itinataguyod ang pagiging patas sa sambahayan ng Diyos, naninindigan sa panig ng katarungan, ipinagtatanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at itinatatag ang sarili nilang imahe bilang isang estrikto at walang kinikilingang “hukom.” Mahusay silang gumagampan sa loob ng ilang panahon. Pero malamang na dumating ang panahon na magbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon nila o gagawa sila ng mali, at pagkatapos ay magiging negatibo at mahina sila, iniisip nila, “Ibinunyag ako ng Diyos, hindi na Niya ako mahal.” Mula noon, hindi na sila muling makakabangon. Pakiramdam nila ay wala silang silbi at na wala silang kayang gawin, na may mga makasariling kaisipan pa rin sila, at buktot na pagnanasa, na madalas silang nangugulila sa mga taong minsan nilang minahal at nagustuhan, na madalas silang negatibo at mahina, na lumalaban pa rin sila sa Diyos, na hindi nila kayang isagawa ang katotohanan, na hindi sila nagbago kahit napakaraming taon na nilang nananampalataya sa Diyos, at iisipin nila, “Hindi ba’t ibig sabihin nito na katapusan ko na?” Iisipin nila na wala silang tsansang maligtas, at na wala na talaga silang pag-asa. Kapag masaya sila, sobrang nagagalak sila, at kapag nasasaktan sila, sobrang miserable naman nila. Palaging ang dalawang sukdulang damdaming ito ang nadarama nila, palipat-lipat sila sa dalawang ito. Bakit ganito? Ang mga kalagayan at pagpapamalas man na ito ay mga positibo o walang pag-asa, sa kabuuan, magkakapareho ang uri ng lahat ng problemang ito, tulad ng pagiging puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at palaging paghusga sa sarili at paglalarawaan sa sarili batay sa mga lagay ng loob ng isang tao, at batay sa mga pagbubunyag at pagpapamalas ng isang tao sa loob ng ilang panahon, habang kasabay nito ay hinuhusgahan ang gawain ng Diyos, ang mga resultang nakakamit ng gawain Niya sa mga tao, at sa mithiin at layong nakakamit ng gawain Niya sa mga tao. Ito ba ang ugat ng problema? (Oo.) Kapag positibo ang mga tao, nagdarasal sila sa harap ng Diyos, ipinapahayag ang kanilang determinasyon habang tumatangis, handang ialay ang buong buhay nila sa Diyos nang walang hinihinging anumang kalapit, handang sundan ang Diyos at gugulin ang sarili nila para sa Kanya. Kapag nagdarasal sila at gumagawa ng mga kapasyahan nang tulad nito, pakiramdam nila ay hindi na mga paghihirap ang mga paghihirap. Napapaluha sila, at naniniwala pa nga silang ang Banal na Espiritu ang umantig sa kanila. Iniisip nila, “Inantig ako ng Banal na Espiritu. Tiyak na labis akong mahal ng Diyos! Hindi ako tinalikuran ng Diyos!” Nagdarasal sila habang lumuluha at sinasabi nilang inantig sila ng Banal na Espiritu—hindi ba’t isa itong delusyon? (Oo.) Sa aktuwal, naantig ka sa ganda ng pakiramdam mo sa sarili mo; naantig ka sa sarili mong determinasyon, mga pag-aasam, kahilingan, at sa sarili mong mga kilos, imbes na sa Banal na Espiritu. Bakit Ko sinasabing naantig ka sa sarili mo? Napakarami mong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at napakabaluktot ng mga ito—tingin mo ba ay aantigin ka ng Diyos? Kung nasa ganitong sukdulang kalagayan ka, aantigin ka ba ng Diyos para mas lalo kang maging sukdulan? Kung aantigin ka ng Diyos, mas lalo ka lang magiging sukdulan, at lalo kang hahanga at maaantig sa sarili mo, at lalo mong gugustuhing gawin ang kapasyahang ito: “Babawasan ko ang tulog ko at magdurusa ako ng higit na paghihirap, kakainin ko ang pagkain, masarap man ito o hindi, ayos lang na kumain ako ng kahit ano, at wala akong pakialam kung nakakabuti man ito sa katawan ko o hindi. Dapat kong mapangibabawan ang mga kagustuhan ng dati kong laman, dapat kong partikular na gamutin ang mga kapintasan ng dati kong laman, at dapat kong mas pagdusahin ang laman ko at hindi ito hayaang maging komportable. Kung komportable ang pakiramdam nito, hindi ko mamahalin ang Diyos; kung komportable ang pakiramdam nito, magpapakasasa ako sa mga kaginhawahan ng laman at hindi ako magsisikap na gawin ang tungkulin ko.” Kung ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo, magpapatuloy ka lang sa ganitong kasukdulan, at lalong magiging mali ang paniniwala mo na napagtagumpayan mo ang laman at nagapi mo na si Satanas, at na naligtas ka na. Kaya sinasabi Ko na hindi ka inantig ng Banal na Espiritu, kundi ng sarili mo. Madalas ba kayong naaantig ng sarili ninyo? (Oo.) Naaantig kayo ng sarili ninyong determinasyon na gugulin ang sarili ninyo at magdusa ng paghihirap para sa Diyos, at handang-handa kayo sa puso ninyo na magtiis ng paghihirap para sa Diyos, na magtiis ng gaano man karaming paghihirap, o mamatay pa nga, at pagkatapos ay tumutulo ang luha sa inyong mukha. Sa aktuwal, hindi naaantig ang Diyos na naaantig ka, ni hindi Siya naaantig sa determinasyon mo. Ang pagbubulalas mong ito ay isang panandaliang bugso ng damdamin lang, isang panandaliang pag-alab ng damdamin. Sa sitwasyong ito, maaari ka pa ngang magdasal sa Kanya at sabihin mo, “O Diyos, handa akong mamatay para sa Iyo! O Diyos, napakaabala ko sa paggawa ng tungkulin ko ngayong araw na nagpaliban ako ng pagkain. Kahit pa sampung pagkain ang ipagpaliban ko, magiging handa akong gawin ito! Ang mga tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lang, sa halip, nabubuhay sila sa mga salita ng Diyos na nagmumula sa bibig ng Diyos. O Diyos, handa akong mahalin Ka sa buong buhay ko, magpakailanman, at hindi kailanman magbabago ang pagmamahal ko para sa Iyo!” Tumatangis dahil sa magagarang salita mong ito, pero hindi nagbabago ang saloobin ng Diyos sa iyo. Bakit? Dahil naantig ka ng panandaliang bugso ng damdamin, at ang mga luha mo ay hindi mga luha ng pagsisisi, mga luha ng pagkakautang, o mga luha dahil tunay mo nang nakilala ang sarili mo, at lalong hindi mga luha ng kalungkutan ang mga ito para sa kawalan mo ng kakayahan na isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga katotohanang prinsiyo. Samakatwid, ikaw lang ang maaantig sa emosyon mong ito, at maaaring makaantig din sa mga nasa paligid mo, pero hindi naaantig ang Diyos dito. Samakatwid, hindi ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo, bagkus, ikaw ang umaantig sa sarili mo. Tumutulo ang luha mo dahil naantig ka sa sarili mo. Ang iyong mga luha, mga emosyonal na salita, at maalab na damdamin ay mababaw na penomeno lang, isang uri lang ng ugali ito. Ang mga ito ay hindi isang pagbabago sa iyong diwa at buhay, ni isang pagbubunyag ng katotohanan bilang buhay mo. Kapag mayroon kang maalab na damdamin at bugso ng damdamin na gugulin ang sarili mo at magdusa para sa Diyos at labis kang maagap, pakiramdam mo ay ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo, na nagbago ka na, at na pakay ka ng pagliligtas—isa itong uri ng kuru-kuro at imahinasyong mayroon ka tungkol sa gawain ng Diyos. Kapag naging negatibo ka dahil sa isang pansamantalang pagkabigo at pagbagsak, o dahil nabunyag ang katiwalian at mga kakulangan mo, o dahil napungusan at nabunyag ka, nalulungkot at nasasaktan ka, at iniisip mong hindi ka nagbago at na wala kang pag-asang maligtas—isa pa itong uri ng kuru-kuro at imahinasyong mayroon ka tungkol sa gawain ng Diyos. Sa katunayan, anuman ang nakikita ng Diyos—nasa negatibo o positibong kalagayan ka man, o hanggang saang antas man nasira at bumagsak ang kalagayan mo—paano ka tinitingnan ng Diyos sa buong panahong ito? Ganoon talaga ang tayog mo. Tutukuyin ng Diyos kung gaano ka na nagbago at kung gaano karaming katotohanang realidad ang napasok mo batay sa iyong aktuwal na sitwasyon, mga aktuwal na pagpapamalas, at aktuwal na tayog. Ang kasalukuyan mong kawalan ng kakayahan na makabangong muli at ang kasalukuyan mong pagkalugmok sa ganap na kawalang pag-asa ay hindi ang pamantayan ng pagtingin ng Diyos sa iyo o pagtukoy sa aktuwal mong tayog. Kaya, nasa positibo o negatibong kalagayan ka man, o puno ka man ng nag-aalab na damdamin o nakakaramdam ka man ng kawalang pag-asa, hindi ito makakaapekto sa pagsusuri at paglalarawan ng Diyos sa iyo. Ikaw lang ang nagkakamali sa paglalarawan sa sarili mo batay sa mga pansamantalang pagbubunyag at pagpapamalas mo—bilang isang taong katulad na ni Pedro, o bilang isang taong hindi na matutubos—dahil mayroon kang napakaraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Pero paano ka man nanghuhusga, anumang mabubuti o masasamang damdamin ang nararanasan mo, lahat ng ito ay idinulot ng mga kuru-kuro at imahinasyong nabuo mo tungkol sa gawain ng Diyos, at ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay hindi tumutugma sa tumpak at praktikal na pakahulugan ng isang tao at sa tumpak at praktikal na paghusga Niya sa kanila. Hindi ba’t ganito nga ang nangyayari? (Oo.) Samakatwid, ito man ay ang kanilang sariling mga pagpapamalas, sariling diwa, o ang kanilang panghuling paglalarawan sa sarili nila, hindi mahuhusgahan ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa halip, dapat nilang sukatin ang mga bagay na ito batay sa mga normal na batas ng gawain ng Diyos at sa mga aktuwal na resultang gustong makamit ng Diyos sa gawain Niya, o batay sa mga paraan ng paggawa ng Diyos at sa Kanyang mga tumpak na pagtukoy sa mga tao. Ano ang mga pangunahing kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos dito? Naniniwala ang mga tao na ang aktuwal nilang tayog ay natutukoy batay sa mga pansamantala nilang pagpapamalas, o sa mga pagpapamalas nila sa isang partikular na panahon: Kung nasa mabuting kalagayan sila sa panahong ito, gagawa ang Banal na Espiritu sa kanila, at sila ay magbabago, magtataglay ng buhay, lalago sa tayog, at magagawang magkamit ng kaligtasan; kung nasa masamang kalagayan sila at wala silang anumang tunay na pananalig sa Diyos sa panahong ito, nangangahulugan ito na wala silang anumang tayog. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Oo.) Ang isang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay na hindi ito ginagawa sa mga tao nang matagalan at tuluy-tuloy, bagkus, panandalian sila nitong binibigyan ng kaunting kaliwanagan, na nagdudulot sa kanila na magpamalas ng bugso ng lakas at ng panandaliang bugso ng damdamin. Ang isa pang uri ay na naniniwala ang mga tao na mahiwaga ang gawain ng Diyos, na inaantig Niya ang mga tao na magkaroon ng positibong saloobin, at magkaroon ng kahandaang magdusa ng paghihirap at gugulin ang sarili nila para sa Kanya, at pagkatapos ay nagkakamit sila ng tayog at nagiging mga taong may katotohanan ng Diyos bilang buhay nila. Naniniwala sila na kung sila ay manghihina dahil sa isang isyu, tutukuyin ng Diyos na sila ay nabigo at nabunyag na, at sila ay kokondenahin ng Diyos, at ititiwalag at tatalikuran Niya. Hindi ba’t ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Oo.)
Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao na napagbahaginan natin kanina? (Ang mga tao ay may ilang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Naniniwala sila na ang aktuwal na tayog ng isang tao ay napagpapasyahan ng mga pagpapamalas nito sa isang partikular na panahon o ng mga pansamantala nitong pagpapamalas, at iniisip nila na ang gawain ng Diyos sa mga tao ay saglit lang na nagaganap, imbes na matagalan at tuloy-tuloy. Naniniwala rin ang mga tao na ang gawain ng Diyos ay napakamahiwaga at na madalas na inaantig ng Diyos ang mga tao. Kapag ang mga tao ay panandaliang naaantig ng Banal na Espiritu, pakiramdam nila ay malapit na silang magawang perpekto o na mas malapit na nilang makamit ang pamantayan ni Pedro, at kapag nabibigo at nanghihina ang mga tao, natutukoy nila na natiwalag na sila.) Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos sa aspektong ito? Naniniwala ang mga tao na ang mga pansamantalang pagpapamalas nila ay kumakatawan sa aktuwal nilang tayog, at na hinahatulan ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang mga pansamantalang pagpapamalas. Iniisip ng mga tao na gusto ng Diyos na makitang nagdurusa sa paghihirap at nagbabayad ng halaga ang mga tao, na gusto Niyang makita ang mga tao na madalas magdasal at gumawa ng mga kapasyahan at maantig hanggang sa puntong umiyak sila nang labis, at na gusto Niyang magawang talikuran ng mga tao ang mga bagay at gugulin ang sarili nila at gumawa nang masipag, at na magawang malampasan ang iba’t ibang suliranin ng laman. Iniisip nila na kumikilos man sila o hindi nang ayon sa mga prinsipyo o nang alinsunod sa katotohanan, hangga’t nagagawa nilang madalas na magbayad ng halaga, at, sa paggampan ng tungkulin nila, madalas silang hindi nakakakain at nakakatulog, gumigising nang maaga at natutulog nang dis-oras ng gabi, at nagtatrabaho sa gabi at araw, magugustuhan ito ng Diyos. Ipinapahiwatig nito na anumang gawain ang ginagawa ng Diyos o ilang salita man ang sinasabi Niya, umaasa lang Siya na lahat ng tao ay magagawang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga para sa Kanya, hindi kumain ng masasarap na pagkain o magsuot ng magagandang damit, at hindi magkaroon ng anumang libreng oras, at na dapat nilang gugulin ang bawat araw sa paggawa ng mga tungkulin nila o sa pagdarasal, at madalas na gumagawa ng mga kapasyahan, ipinapahayag ang kanilang determinasyon, nagiging buo ang desisyon, at nanunumpa. Iniisip ng ilang tao na gustong pigilan ng Diyos ang puso at mga bahagi ng katawan ng mga tao, na hindi Niya binibigyan ang mga tao ng kalayaan at paglaya, at sa halip ay ipinararamdam Niya na napipigilan sila kaya hindi sila makakalaya, at pinagkakaitan sila ng kalayaan ng buhay ng normal na pagkatao. Iniisip ito ng mga tao, hindi ba? (Oo.) Ano pa ang ibang iniisip ng mga tao? Na hindi pinahihintulutan ng Diyos na ang mga tao ay mabigo, magbunyag ng kahinaan o katiwalian, o magpakita ng mga pagkukulang nila. Naniniwala rin ang mga tao na kung gusto nilang magkamit ng kaligtasan at magawang perpekto, kung gayon, sa proseso ng paggawa ng tungkulin nila ay hindi talaga sila pwedeng maging mahina, o magkaroon ng anumang mga pangangailangan, kakulangan, o kapintasan ng normal na pagkatao, at hindi dapat magbunyag ng anumang mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga ito? (Oo.) Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, iniisip nila na sa ilalim ng paggawa at paggabay ng Diyos, dapat manatiling bata ang puso nila, manatili silang masigasig, at puno ng alab para sa kanilang gawain at magkaroon ng seryosong saloobin dito, at maging palaging tensiyonado at hindi kailanman napapanatag. Hindi ba’t ito ang iniisip ng mga tao? Ito ba ay isang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao, o ito ba ay tunay na hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Ito ay isang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao.) Iniisip ng mga tao na kung sila ay medyo negatibo at mahina, o may kaunting paghihirap sa laman, o may kaunting kamalian o kapintasan sa pagkatao nila, o nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at paminsan-minsang nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman, kung gayon, hindi sila gugustuhin ng Diyos, hindi Niya sila kakausapin o hindi Siya gagawa sa kanila, at sila ay matitiwalag at mawawalan ng pag-asang maligtas. Ganito ba talaga ang nangyayari? (Hindi.) Hindi ba’t ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao? (Oo.) Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila, sa isang banda, na gusto ng Diyos ang mga taong palaging puno ng sigla at nag-aalab na damdamin para sa gawain nila, at sa kabilang banda, na ayaw ng Diyos sa pagkanegatibo ng mga tao at hindi sila tinutulutan na ipakita ang mga kahinaan nila. Sa madaling salita, iniisip ng mga tao na gusto ng Diyos ang mga asetiko, hindi ba? Iniisip nila na kailangang ipamuhay ang buong buhay nila sa kahirapan, na huwag talagang magbigay-pansin sa mga panlabas na usapin, at na basahin ang mga salita ng Diyos araw-araw sa ilalim ng malamlam na liwanag ng malamig na lamparang langis; iniisip nila na parehas na kinakailangan ang mga dasal sa umaga at gabi, na dapat nilang pasalamatan ang Diyos kada bago kumain, at na hindi sila puwedeng magkaroon ng anuman sa iba’t ibang pangangailangan ng normal na pagkatao. Naniniwala sila na saka lang sila maituturing na labis na tapat sa Diyos at ganap na tapat sa gawain nila, at na tanging sa pagpapanatili ng ganitong uri ng sigasig sila magugustuhan ng Diyos at magiging isang taong gusto ng Diyos na iligtas at gawing perpekto. Dahil may mga ganitong kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao, ang ilan ay labis na nakakaramdam ng pagsaway sa loob nila kapag paminsan-minsan silang nangungulila sa pamilya nila, at hindi rin sila mapalagay sa tuwing nakikipag-usap sila saglit, iniisip na sasawayin sila ng Diyos. Kapag ang ilang dalaga ay paminsan-minsang nagbibihis nang maganda at nagdadamit ng medyo makulay at medyo nauuso, naaasiwa sila nang husto, at iniisip nila, “Hindi kaya medyo hindi disente na magdamit ako nang ganito? Hindi kaya medyo imoral ito?” Sa katunayan, hindi naman sila nakadamit ng kakaiba o malaswang kasuotan, pero sadyang nakakaramdam sila ng pagkaimoral at iniisip nila, “Sinusuway ako ng Diyos sa loob ko. Ayaw Niyang ginagawa ko ito.” Kung tingin mo ay ayaw ito ng Diyos, bakit hindi ka magsuot ng mga damit ng mga Budistang monghe o ng mga Taoista? Magiging labis na “elegante” at “disente” iyon! Hindi iyon magiging imoral, hindi ba? Ang ilang tao ay paminsan-minsang nagpapakasasa sa kaunting banidad at nagpapakitang-gilas, at pagkatapos ay pakiramdam nila ay sinusuway sila at hindi sila mapalagay sa loob nila at iniisip nila, “Hindi na ako gusto ng Diyos. Ayaw na Niya sa akin. Nagtatakda pa nga ng mga tuntunin ang ilang tao na bawal silang magsuklay, maglagay ng kolorete, o manalamin, at na puwede lang silang maligo minsan sa isang buwan o minsan sa anim na buwan, at iniisip nila na kung maliligo sila nang mas madalas sa minsan sa isang buwan o anim na buwan, kinapopootan ito ng Diyos at tiyak na hindi sila maliligtas. Nagtatakda sila ng tuntunin na dapat silang bumangon tuwing alas singko ng umaga, at iniisip nila na kung mahuhuli nang kalahating oras ang pagbangon nila, nagpapakasasa sila sa kaginhawahan, at hindi sila mga taong nagmamahal sa Diyos; nagtatakda sila ng tuntunin na dapat silang mahiga kapag pasado hatinggabi na, at iniisip nila na kung mahihiga sila bago maghatinggabi, hindi sila isang taong tapat na gumagawa sa tungkulin nila. Gumagawa ang mga taong ito ng maraming nakatakdang tuntunin para sa sarili nilang pag-uugali, pang-araw-araw na buhay, at mga pangangailangan sa buhay. Hindi nila hinahanap kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, ni hindi nila sinusubukang unawain kung ano ang mga pananaw at saloobin ng Diyos tungkol sa mga usaping ito. Sa halip, ganap na personal nilang pinaniniwalaan na sa gawain ng Diyos, hindi pinapayagan ng Diyos ang mga tao na magkaroon ng mga pagpapamalas na ito, at na kung taglay nila ang mga pagpapamalas na ito, labis silang nagiging mapaghimagsik, at kinapopootan sila ng Diyos, at kaya, hindi sila maliligtas. Madalas, dahil lang sa ilang maliit na usaping hindi na karapat-dapat pang banggitin, tulad ng pagsasabi ng maling bagay, paggamit ng maling salita, pagkain ng dagdag na kaunting meryenda, o paminsan-minsang panonood ng mga video na nakakalibang, iniisip ng mga tao, “Katapusan ko na! Labis na mapaghimagsik ang ginagawa kong ito! Hindi ko alam na puwede akong magkaroon ng mga gayong pag-uugali at mga gayong gawi—hindi ko alam na may mga ganitong problema pa rin ako. Kahindik-hindik ito. Dapat akong malalim na magnilay-nilay sa sarili, himayin ang sarili ko sa kaibuturan ng kaluluwa ko, at sumailalim sa isang rebolusyon. Hindi ko ito puwedeng bitiwan!” Labis na pinapahalagahan ng mga tao ang mga usaping ito na wala namang kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo. Lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao at kinapopootan ng Diyos ang mga ito. Ayaw ng Diyos na makita ang mga tao na magbunyag ng mga pagpapamalas na ito. Kaya, ano ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao sa aspektong ito? Ano ang mga prinsipyong dapat sundin? Dahil ang mga bagay na ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, tiyak na ang mga ito ay hindi ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao, at tiyak na walang kinalaman ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. At dahil mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga ito, ibig sabihin nito na nabuo at napag-ugnay-ugnay ang mga ito sa isip ng mga tao—sa madaling salita, ang mga ito ay nagmumula sa isip ng mga tao at walang anumang kinalaman sa mga katotohanang realidad na hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Paano man sumusunod ang mga tao sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito, hangga’t walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan, walang silbi ang pagsunod ng mga tao sa mga ito. Kahit na sumunod ka sa mga ito, hindi ka sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi ito matatandaan ng Diyos. Sa partikular, ang ilang tao ay labis na hindi mapalagay at nararamdaman nilang mahigpit silang pinagbabawalan sa loob nila kapag paminsan-minsan silang nagbubunyag ng sarili nilang mga kagustuhan at mga nakagawian ng laman. Paano nagaganap ang pagiging hindi mapalagay at pagbabawal sa sarili na ito? Resulta ba ito ng pag-antig sa kanila ng Banal na Espiritu? (Hindi, may mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa Diyos, kaya hindi sila mapalagay.) Ang batayan ng mga damdaming ito ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, hindi ang katotohanan. Ang ilang tao ay nakakaramdam agad ng pagsaway at hindi mapalagay ang kalooban nila, at nagmamadali silang magdasal at ikumpisal ang mga kasalanan nila, at nagmamadali silang magsisi. Ano ang kailangan mong pagsisihan? Ang mga bagay na ito na ginawa mo ay karaniwan sa pang-araw-araw na buhay. Hindi mga kasalanan ang mga ito, at tiyak na hindi malalaking pagsalangsang ang mga ito. Huwag kang masyadong mag-alala sa mga gayong bagay na hindi naman mahalaga! Kung tingin mo ay mali ang mga bagay na iyon, puwede mong piliin na huwag gawin ang mga iyon. Pero ang hindi paggawa sa mga iyon ay hindi nangangahulugan ng pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at ang pagiging hindi mapalagay ay hindi nangangahulugan na nilabag mo ang mga katotohanang prinsipyo. Bakit ka nagsisisi? Bakit mo itinutuwid ang sarili mo? Dahil ba idinudulot ng mga kuru-kuro at imahinasyon na mali mong paniwalaan na hindi mo dapat ginagawa ang mga ganoong asal, o dahil ba iniisip mo na ang mga asal mo ay salungat sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo? Kung salungat ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, at talagang hindi ka mapalagay, dapat kang magmadali na magbago ng landas at magsisi sa Diyos. Ang pagiging hindi mapalagay na ito, sa pinakamababa, ay ang pag-usig ng konsensiya ng pagkatao. Kung hindi ka mapalagay dahil lang sumalungat ka sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, hindi ba’t nagpapakasasa ka sa mga hindi kinakailangang damdamin? (Oo.) Ito ay ganap na pagpapakasasa sa mga hindi kinakailangang damdamin at ito ay kalabisan. Bakit hindi ka naman hindi napapalagay kapag sumusunod ka sa mga anticristo? Bakit hindi mo nararamdaman na sinasaway ka dahil doon? Kapag nakikita mo ang masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia at pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi ka tumitindig para pigilan sila, hindi ka ba napapalagay? Kapag nagsasalita at kumikilos ka nang labag sa mga katotohanang prinsipyo at batay sa sarili mong kalooban, hindi ka ba napapalagay? Kung nilabag mo ang mga katotohanang prinsipyo sa mga usaping ito pero hindi ka kailanman hindi napapalagay tungkol dito,kung gayon, wala ka man lang pagkatao, ni wala kang konsensiya. At kung wala kang konsensiya, anong mga bagay ang magdudulot para hindi ka mapalagay? Ang pagiging hindi mapalagay mo ay ganap na pagpapakasasa mo sa mga hindi kinakailangang damdamin. Ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon ang nagpapahirap sa iyo at nagdudulot sa iyo na hindi mapalagay—walang silbi iyan. Ano ang magiging panghuling resulta ng pananampalataya mo sa Diyos sa loob ng sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon? Lalo ka lang magiging mapagpaimbabaw at lalo ka lang magiging katulad ng mga Pariseo. Mapapalayo ka lang nang mapapalayo sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at magiging imposible para sa iyo na makapasok sa katotohanang realidad. Palaging mabuti ang pakiramdam mo tungkol sa sarili mo, pero ano ba ang mismong napakabuti sa iyo? Punong-puno ka ng mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang lahat ng nadarama mo ay walang kinalaman sa katotohanan. Ang mga damdamin mo ng naaantig at sinasaway, ang pagkakautang at pagsisising nadarama mo, ang pagsisising sa tingin mo ay dapat mayroon ka, at ang mga sumpa at kapasyahang ginagawa mo ay pawang nauugnay sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo. Ang mga bagay na ito ay batay lang sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo at walang kinalaman sa katotohanan. Samakatwid, anumang ginagawa mo—ito man ay pagdurusa ng hirap at pagbabayad ng halaga o pag-aalay ng mga bagay at paggugol ng sarili mo, at anuman ang ginugugol mo—ay walang saysay kung wala naman itong kinalaman sa katotohanan. Naunawaan mo ba? (Oo.)
Ngayong napagbahaginan at nahimay na natin ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito na mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, medyo mas malinaw na ba sa inyo kung paano titingnan ang mga pag-uugali tulad ng kung nagdudusa ba ang mga tao ng paghihirap o hindi, kung nagbabayad ba sila ng halaga, at nagpipigil ng kanilang sarili sa paggawa ng mga tungkulin nila, at kung mahilig ba sila o hindi na kumain ng masasarap na pagkain at magdamit nang maganda, at iba pa, pati na kung ano ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao, at kung ano mismo ang resultang gustong makamit ng Diyos sa mga tao sa gawain Niya? Ang resultang gustong makamit ng Diyos sa mga tao ay hindi ang makita ang alab ng damdamin mo para sa gawain mo sa lahat ng oras. Ibig sabihin, ang gustong makita ng Diyos ay hindi ang kasigasigan at determinasyon mong magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga. Sa mga mata ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ang mga pagpapamalas na ito ay mga panandaliang bugso ng damdamin lang. Sa madaling salita, kasigasigan mo lang ang mga ito. Ano ba, sa esensiya, ang kasigasigan? Ito ay ang iyong pagiging padalos-dalos, o para maging mas partikular, ito ay isang emosyonal na pamamaraan sa mga bagay-bagay. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang kasigasigan ng mga tao, ang kanilang emosyonal na pamamaraan sa mga bagay-bagay, ang kanilang mga pansamantalang bugso ng damdamin, o ang ganitong uri ng maalab na kondisyon. Ano ang gusto ng Diyos? (Gusto Niyang maunawaan ng mga tao ang katotohanan.) Sa pinakamababa, gusto Niyang magawa mong mahalin ang katotohanan at maunawaan ang katotohanan, at, kapag nahaharap sa iba’t ibang usapin, huwag sumunod sa isang regulasyon, isang pormalidad, o isang pag-uugali, bagkus ay sumunod sa mga katotohanang prinsipyo; gusto Niya rin, na sa tungkuling ginagawa mo at sa lahat ng bagay, na magawa mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at magsagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at gawing realidad mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan—ito ang resultang layong makamit ng gawain ng Diyos. Pagdating naman sa personal mong buhay, kung gusto mo mang matulog nang maaga o gumising nang maaga, o matulog nang dis-oras nang gabi o gumising nang tanghali na, o kung ano mang uri ng mga kaloob ang mayroon ka o kung gaano ka kahusay magsalita, hindi mahalaga ang mga ito sa Diyos. May determinasyon ka mang magdusa ng paghihirap o wala o gaano man kalaking halaga ang ibinabayad mo, hindi pinapahalagahan ng Diyos ang mga bagay na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Alang-alang sa pananampalataya ko sa Diyos, hindi ako bumili ng magagandang damit sa loob ng ilang taon, at hindi ako nagpa-parlor sa loob ng mahigit sampung taon.” Kahit na hindi ka kumakain ng masasarap na pagkain, hindi nagsusuot ng magagandang damit, at kahit nagdurusa ka ng maraming matinding pagdurusa sa buong buhay mo, ano naman? Iyon ba ang gusto ng Diyos? Ang pinakalayunin ba ng Diyos sa pangangaral at pakikipagbahaginan ay ang tustusan ang mga tao ng napakaraming katotohanan para lang maging asetiko ka? Ito ba ay para gawin ka lang na isang kaawa-awang buhong, isang pulubi, o isang galit na kabataan? Hindi. Ang gustong gawain ng Diyos ay isagawa sa mga tao ang Kanyang mga salita at mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, kapag naniniwala ang marami na gustong makita ng Diyos ang mga taong nagdurusa ng mas maraming paghihirap at nagbabayad ng mas malaking halaga, at na gusto Niya silang makitang namumuhay nang labis na matipid, mahirap, at simpleng buhay, labis na nagtataglay ng determinasyon at mga inaasam, at labis na nag-aalab ang damdamin, o labis na nagpipigil ng sarili, at talagang marunong lumugar at umasal nang maayos, mga kuru-kuro at imahinasyon lang nila ang mga ito tungkol sa gawain ng Diyos. Ipagpalagay na, sa loob ng maraming taon ng buhay mo, isang beses ka lang kumakain sa isang araw at tatlong oras lang ang tulog mo sa gabi, at hindi ka nakakakain ng masasarap na pagkain o nakapagsusuot ng magagandang damit, at na ginagawa mo ang sa tingin mo ay dapat mong ginagawa sa loob ng maraming taon, at nagdusa ka na ng napakaraming paghihirap at napakarami mo nang naging kapasyahan. Sa sarili mong mga salita, “nananatili kang tapat sa orihinal mong inaasam,” at nagdurusa ka ng mga paghihirap at gumugugol para sa Diyos at inaalay ang buong buhay mo para sa Diyos. Gayumpaman, sa kabila ng lahat ng ito, kung hindi mo kailanman pinagsusumikapan ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan, at hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng ginagawa mo, nakatakda kang maabandona. Gusto mong magkamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagdusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga, at sa pamamagitan ng hindi kailanman pagbabago sa orihinal mong inaasam, at paggugol ng sarili mo para sa Diyos sa buong buhay mo, at pag-aalay ng lahat-lahat ng mayroon ka para sa Kanya. Pangarap lang ito—ito ay mapangarapin na pag-iisip. Kahit na kumain ka ng giniling na mais o ng puto mais buong buhay mo at hindi ka kailanman kumain ng masasarap na pagkain o magtamasa ng magagandang bagay, magiging walang silbi ito. Hindi kailanman tinitingnan ng Diyos ang pag-uugali ng isang tao, ni hindi Niya tinitingnan kung anong mga tuntunin ang sinusunod ng isang tao sa panlabas, o kung sa panlabas ba ay namumuhay siya ng isang simple at payak na buhay. Ang gustong makita ng Diyos ay kung nasaang landas ka, kung anong mga prinsipyo ang sinusunod mo sa bawat usaping kinakaharap mo, at kung sumusunod ka ba sa mga katotohanang prinsipyo sa pagharap sa mga problema. Kung hindi mo sinusunod ang mga katotohanang prinsipyo, gaano mo man kahusay na sinusunod ang mga nakatakdang kondisyon at tuntunin, magiging wala itong silbi. Ipapahiwatig lang nito na isa kang taong namumuhay sa loob ng mga kuru-uro at imahinasyon, isang taong namumuhay sa loob ng mga ganap na personal, magandang kahilingan, na walang anumang kaugnayan sa gawain ng Diyos, at walang kinalaman sa anuman sa mga pamamaraan ng paggawa ng Diyos ng pagliligtas sa mga tao—isang taong malayo sa gawain ng Diyos. Samakatwid, kung gusto mong may makamit mula sa gawain ng Diyos, kailangan mo munang pagsumikapan ang katotohanan; hindi mo dapat isagawa o pagsumikapan ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon—walang silbi ang paggawa niyon. Tinatanong Ako ng ilang tao: “Tingin Mo, mas mukha ba akong disente at wasto kung mahaba ang buhok ko? O kung maiksi ito?” Tumutugon naman Ako, “Gusto mo ba na mahaba ang buhok mo o maiksi?” Sinasabi nila, “Gusto kong mahaba ang buhok ko. Pero tingin ko, hindi disente at wasto ang mahabang buhok, at hindi ito gusto ng Diyos.” At sumasagot Ako, “Kailan iyan sinabi ng Diyos? May anumang kinalaman ba ito sa katotohanan?” May ibang nagtatanong sa Akin: “Puwede ba akong magmeryenda?” At sumasagot Ako, “Ang pagmemeryenda ba ay pangangailangan ng normal na pagkatao? Isinaad ba ng Diyos na hindi puwedeng magmeryenda ang mga tao? Kinokondena ba ito ng Diyos?” At sinasabi nila, “Tingin ko, kinokondena ito ng Diyos, dahil ang pagmemeryenda ay imoral.” Ano ang ibig sabihin ng “imoral”? Kung tingin mo ay imoral ang pagmemeryenda, ang hindi ba pagmemeryenda ay nangangahulugan na hindi ka imoral? Ang hindi ba pagmemeryenda ay nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan at isinasagawa mo ang katotohanan? Kaya mo itong maunawaan kapag ipinapaliwanag Ko ito sa ganitong paraan, hindi ba? (Oo.) Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ay hindi ang katotohanan at walang kinalaman sa katotohanan. Kung matalino ka, dapat magmadali kang suriin kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka pa rin, at kung anong mga pagsasagawa, kaisipan, at pananaw ng mga Pariseo ang mayroon ka pa rrin, at bitiwan mo ang mga ito kaagad. Ang layon ng pagbitiw sa mga bagay na ito ay hindi para gawin kang imoral o mapagpalayaw sa sarili, kundi para palapitin ka sa Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kamtin ang katotohanan bilang buhay mo. Ayaw ng Diyos na makitang naging pulubi ka o na namumuhay ka ng buhay ng isang asetiko. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw ng Diyos na maging pulubi ang mga tao, kaya ibig bang sabihin na ayaw Niyang maging mayaman sila?” Ayaw ring makita ng Diyos na maging mayaman ang mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao na gusto ng Diyos na magdusa ng pisikal na paghihirap ang mga tao. Kaya, kung ayaw ng Diyos na magdusa ng paghihirap ang mga tao, ibig bang sabihin na ayaw Niya silang mamuhay nang komportable?” Mali, kuru-kuro at imahinasyon mo rin ito. Kung gayon, ano ang tamang paraan ng pagkilos? (Gusto ng Diyos na magawang lumapit ng mga tao sa Kanya at hanapin nila ang mga katotohanang prinsipyo, anuman ang sumapit sa kanila.) Hindi puwedeng kalimutan ang mga katotohanang prinsipyo kahit kailan. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto ng Diyos na ang mga tao ay gumawa ng mga kapasyahan sa harap Niya at magtaglay ng determinasyong magdusa ng paghihirap.” Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw ng Diyos sa mga taong ayaw magdusa ng paghihirap.” Tama ba o mali na sabihin ang mga bagay na ito? Aling pahayag ang tama at alin ang mali? (Parehas na mali ang mga ito.) Ang ilang tao ay palaging nagdurusa ng paghihirap alang-alang sa sarili nilang katayuan, kasikatan, at pakinabang—may matatag silang determinasyon na magdusa ng paghihirap. Nakalulugod ba sa Diyos ang mga pagpapamalas na ito? (Hindi.) Ang ilang tao ay hindi handang magdusa ng paghihirap pagdating sa mga personal na usapin, pero handa silang magdusa ng paghihirap alang-alang sa paggawa ng tungkulin nila at para sa katotohanan, at handa silang magdusa ng kaunting paghihirap para kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Alin sa mga pagpapamalas na ito ang mas mainam? (Ang pagdurusa ng paghihirap alang-alang sa mga katotohanang prinsipyo.) Ano ang makikita mula sa mga bagay na ito? Na tamang kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo at isagawa ang katotohanan. Ito man ay kaugnay sa mga usapin ng paggawa sa tungkulin ng isang tao, o sa mga usapin sa personal na buhay ng isang tao, nagdurusa man ang isang tao ng paghihirap o hindi ay hindi isang pamantayan o prinsipyo. Ano ang mga prinsipyo? Ang mga prinsipyo ay ang mga hinihingi ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan. Kung magsasagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kahit na hindi ka magdusa ng paghihirap sa paggawa niyon, tama ang ginagawa mo, at sinasang-ayunan ito ng Diyos; kung hindi ka kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kahit na magdusa ka ng napakalaking paghihirap o makaranas ka ng matinding kahihiyan sa proseso, wala itong saysay, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga kilos mo. Tulad lang ng kung paanong naririnig ng mga tao ang utos mula sa isang anticristo at pagkatapos ay ginagawa ang sinabi sa kanila, isinasakatuparan ang gawain nang ayon sa mga kagustuhan ng anticristo, nagsasalita nang nagsasalita at nagdurusa, at labis na nagpapakaabala, hanggang sa puntong makuba at malumpo na sila sa labis na kapaguran ng katawan. Sinasang-ayunan ba ito ng Diyos? Tatandaan ba ito ng Diyos? (Hindi Niya ito sinasang-ayunan, at hindi Niya ito tatandaan.) Kaya, ano ang saloobin ng Diyos? (Kinapopootan ng Diyos ang mga gayong tao.) Ano ang sinabi ng Diyos? “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Ito ang saloobin ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Gaano man karaming paghihirap ang pinagdusahan mo o gaano man kalaking halaga ang ibinayad mo, bagama’t maaaring gamitin mo ang mga ito para ipagyabang ang mga ambag mo, hindi tinitingnan ng Diyos ang mga bagay na ito. Tinitingnan lang ng Diyos kung ginawa mo ang mga bagay na ito nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo at kung sinusunod mo ba ang mga salita ng Diyos—ginagamit Niya ang prinsipyong ito para sukatin ka. Kung hindi mo sinusunod ang mga salita ng Diyos, bagkus ay kumikilos ka nang ayon sa mga sarili mong ideya, gaano mang paghihirap ang pagdusahan mo o gaano kalaking halaga man ang ibayad mo, mawawalan ng saysay ang lahat ng ito. Bukod sa hindi ito tatandaan ng Diyos, kokondenahin din Niya ito. Iyon ay magiging pagdulot sa sarili mong pagkawasak, hindi ba? (Oo.) Ititiwalag ang mga gayong tao sa huli—nararapat sa kanila ito, hindi ba? (Oo.) Libo-libong salita na ang sinabi ng Diyos at sinabi Niya sa iyo ang mga katotohanang prinsipyo, pero sadyang hindi ka nakikinig. Palagi kang may mga sarili mong ideya, at mapangarapin mong inaasam na palitan ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa gayon ay makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, makapasok sa kaharian, at mapagpala at magantimpalaan. Hindi ba’t pag-aasam ito sa kamatayan? Hindi ba’t kauri ni Pablo ang mga gayong tao? (Oo.) Samakatwid, kung gustong bitiwan ng mga tao ang mga hadlang sa pagitan nila at ng Diyos at ang pagkamapanlaban nila sa Diyos, dapat silang magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Hindi sila dapat manghula tungkol sa Diyos, hindi nila dapat sukatin ang Kanyang gawain, o sukatin ang sarili nilang pag-uugali at mga pagsasagawa batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at pagkatapos ay pangasiwaan ang lahat ng bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito. Ang magiging panghuling resulta ng pamamaraang ito ay na mawawalan ito ng saysay, at sa malulubhang kaso, gagambalain at guguluhin nila ang gawain ng iglesia, sasalungatin ang disposisyon ng Diyos, at mapaparusahan sila. Samakatwid, sa pagharap sa gawain ng Diyos, dapat bitiwan ng mga tao ang iba’t iba nilang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Ibig sabihin, dapat nilang suriin at himayin ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon at pagkatapos ay bitiwan ang mga ito, hanapin ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan, at gamitin ang mga katotohanang prinsipyo para palitan ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, maling prinsipyo, at pagsasagawa. Sa ganitong paraan ka lang makakatahak sa landas ng kaligtasan. Kung hindi, imposibleng maligtas ka, walang duda rito! Isang uri ito ng kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan natin.
Ang mga tao ay may isa pang uri ng kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, iyon ay na sa kanilang pang-araw-araw na buhay, kapag mahina sila, kapag lumilitaw sa kanila ang iba’t ibang uri ng pagkamapaghimagsik sa Diyos, o kapag gumawa sila ng mga bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at sumasalungat sa Diyos, naniniwala sila sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon na dapat silang disiplihanin, ituwid, o parusahan, sumpain pa nga, at iba pa. Halimbawa, minsan ay nasasabi ng mga tao ang maling bagay o nagbubunyag sila ng ilang kuru-kuro, o nagkikimkim sila ng ilang opinyon at kaunting pagtutol tungkol sa isang bagay, at pagkatapos ng ilang sandali, iniisip nila, “Nabunyag ko ang pagkamapaghimagsik at pagkakanulong ito, pero bakit hindi ako dinisiplina dahil dito? Walang mga singaw sa dila ko, hindi ako binabangungot sa gabi, at hindi nababagabag ang puso ko. Bakit ganoon? Bakit hindi ko nadarama ang gawain ng Banal na Espiritu?” Sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, naniniwala sila na dahil pumarito na ang Diyos para iligtas sila, at dahil tiyak na ang gawain ng Diyos ay hindi lang sila lulupigin, kundi babaguhin at dadalisayin din sila, at babaguhin ang kung ano-anong kaisipan at pananaw na kinikimkim nila na hindi tugma sa katotohanan, kung may ilang bagay sa isipan nila na hindi tugma sa katotohanan, o mga bagay na madusing, marumi, o buktot, dapat silang disiplinahin, sawayin, o parusahan pa nga dahil sa mga ito, at iniisip nila, “Paano magbabago ang mga tao at paano sila magagawang banal kung hindi sila madalas na dinidisiplina?” Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao rito? Na dapat silang madalas na madisiplina, masaway, matuwid, maparusahan, at makastigo at mahusgahan pa nga at saka lang sila magkakamit ng disposisyonal na pagbabago. Gayumpaman, sa pang-araw-araw na buhay, kapag nagbubunyag ang mga tao ng kadungisan, kabuktutan, at katiwalian, ginagawa nila ito nang napakanatural, nararamdaman nila ito, at payapa pa nga ang pakiramdam nila sa pamumuhay nang ganito at hindi nila nararamdaman na dinidisiplina o pinaparusahan sila, at tingin nila ay hindi normal ito. Iniisip ng mga tao na kung magbubunyag sila ng katiwalian, kahit papaano ay dapat maramdaman nilang sinasaway sila, o dapat silang magkasakit, o magkaroon ng mga singaw sa bibig nila, o mabulunan sila o makagat nila ang dila nila habang kumakain, at na dapat mamula at mamaga ang mata nila kapag may pinanood sila na hindi nila dapat panooriin. Sabihin mo sa Akin, ginagawa ba ng Diyos ang mga bagay na ito? (Hindi.) Hinding-hindi ba Niya ginagawa ang mga ito? (Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, maaari silang disiplinahin at sawayin ng Diyos nang kaunti ayon sa tayog nila, para magawa nilang pagnilayan ang sarili nila at pasukin ang katotohanan. Gayumpaman, kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at malinaw sa puso nila na mali ang ginawa nila, tiyak na hindi sila didisiplinahin ng Diyos sa kasong iyon, dahil umaasa Siyang mahahanap nila ang katotohanan, at magagamit ang Kanyang mga salita at ang katotohanan para sukatin ang sarili nilang mga kilos at pag-uugali.) Mahusay na napagbahaginan iyan. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na tuwing nagbubunyag sila ng katiwalian at pagkamapaghimagsik, dapat silang disiplinahin ng Diyos, at na sa partikular, kapag gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, dapat agad na sumapit sa kanila ang parusa ng Diyos, para tiyak na mapaparusahan ang masasamang tao. Pero sa totoong buhay, madalang nilang nakikitang nangyayari ang mga kaparusahang ito. Sa isang banda, kapag nagbubunyag ang mga tao ng iba’t ibang uri ng katiwalian at pagkamapaghimagsik, hindi sila dinidisiplina o itinutuwid, at sa kabilang banda, kapag gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi sila napaparusahan. Dahil dito ay lumilitaw ang ilang kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at mawawalan pa nga ng pananalig ang ilang tao, at susukatin nila ang gawain ng Diyos batay sa mga panlabas na bagay na ito, at huhusgahan nila ang Kanyang gawain. Ang mga ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, hindi ba? Kapag nagbubunyag ang mga tao ng katiwalian at pagkamapaghimagsik, dapat ba silang disiplinahin ng Diyos, o kastiguhin at husgahan sila? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Kapag inililigtas ng Diyos ang mga tao, dapat Niya silang iligtas nang lubusan. Ano ang layunin ng gawain ng Diyos? Hindi ba’t ito ay para dalisayin ang mga tao? Kaya, kapag nagbubunyag ang mga tao ng katiwalian at pagkamapaghimagsik, dapat silang disiplinahin at sawayin ng Diyos—ito ay pagiging responsable sa kanila. Kung hindi, wala Siyang pakialam sa mga tao at hindi Niya talaga minamahal o kinakaawaan ang mga tao.” Hindi ba’t ganito mag-isip ang mga tao? (Oo.) Ano ang mga katotohanang dapat maunawaan dito? Ang madisiplina, matuwid, at maparusahan ba ay mahahalagang proseso para maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makapasok sila sa katotohanang realidad? Kinakailangan ba ang mga ito para iligtas ng Diyos ang mga tao at baguhin sila? Hindi ito maarok ng ilang tao at iniisip nila, “Kung talagang umiiral ang Diyos at ginagawa Niya ang gawain Niya para iligtas ang mga tao, bakit hindi Niya dinidisiplina ang mga tao kapag nagbubunyag sila ng katiwalian o naghihimasik laban sa Kanya? Bakit hindi pinaparusahan ng Diyos ang masasamang tao para sa paggawa ng kasamaan?” Kapag hindi dinidisiplina ng Diyos ang mga tao, o kapag hindi pinaparusahan ang mga tao dahil sa paggawa nila ng kasamaan, hindi ba’t dahil dito ay kukuwestiyunin ng mga tao ang pag-iral ng Diyos at ang mga resulta ng gawain Niya? Kung ang madalas na pagdidisiplina at pagpaparusa ay makapapalit sa paghahanap ng mga tao sa katotohanan o magbibigay-kakayahan sa kanilang makapasok sa katotohanang realidad, ang pagdidisiplina at pagpaparusa ang magiging pangunahing paraan ng paggawa ng Diyos para iligtas ang mga tao, at isang kinakailangang paraan sa paggawa niyon. Pero batay sa kasalukuyang antas ng katiwalian ng mga tao, maaari bang agad na mabago ang satanikong kalikasan nila sa pamamagitan ng pagdidisiplina at pagpaparusa ng Diyos? Maaari bang agad na magkaroon ng tunay na pagsisisi ang mga tao? Maaari ba silang agad na makapasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Hindi nila iyon makakaya. Samakatwid, sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, kasabay ng pagpapahayag ng Diyos ng mga katotohanan para tustusan ang mga tao ng buhay, hindi Siya—maliban sa paggawa ng Banal na Espiritu ng pagliliwanag at paggabay sa mga tao—gumagawa ng anumang hiwaga, at lalong madalang Niyang ginagawa ang mga bagay tulad ng pagtutuwid, pagdidisiplina, o pagpaparusa sa mga tao. Ang pagtutuwid, pagdididisiplina, at pagpaparusa sa mga tao ay hindi isang malaking bahagi ng gawain ng Diyos, pero ginagawa pa rin Niya ang mga bagay na ito. Ibig sabihin, sa kaso ng ilang espesyal na tao o espesyal na usapin, o sa ilang espesyal na kapaligiran, alang-alang sa pagkamit ng ilang espesyal na resulta o dahil sa ilang espesyal na dahilan, gagawin ng Diyos ang gawain ng pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa sa mga tao. Peero sa kabuuan, sa yugtong ito ng gawain Niya, ang pangunahing paraan ng paggawa Niya ay ang magsalita at magpahayag ng katotohanan para ibigay ang kinakailangan ng mga tao sa landas nila ng paghahangad sa katotohanan, at ang layunin nito ay bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok sa katotohanang realidad. Ngayong nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan, madalang na Niyang ginagawa ang gawaing ito ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at maging ng pagpaparusa na ginawa Niya noon. Kaya, ang mas dapat pagtuunan ng mga tao ay ang iba’t ibang katotohanang prinsipyong dapat nilang isagawa kapag nahaharap sila sa mga usapin sa pang-araw-araw na buhay, sa halip na tumuon sa kung dinidisiplina, hinahadlangan ba sila ng Diyos, o kung idinudulot ba ng Diyos na maging maayos ang takbo ng mga bagay para sa kanila sa isang partikular na usapin, at iba pang mga gayong gawi at pagsasagawa. Dahil madalang gamitin ng Diyos ang mga pamamaraan na tulad ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa, hindi ito ang kaso na hindi Niya kailanman ginagawa ang mga ito, madalang lang Niyang gamitin ang mga ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa “madalang gamitin ang mga ito”? Paminsan-minsan, sa ilang espesyal na sitwasyon, gagamitin Niya ang mga pamamaraan ng pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa para—sa isang magaan o kumakatawan o sumisimbolong paraan—gumawa ng kaunting gawaing nakakatulong sa mga taong maunawaan ang katotohanan at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, ginagamit Niya ang mga paraang ito para tulungan ang mga taong makapasok sa mga katotohanang realidad, pero iyon lang iyon. Kung gayon, bakit hindi madalas na ginagamit ng Diyos ang mga paraang ito sa Kanyang gawain? Bakit hindi Siya pangunahing gumagawa sa mga ganitong paraan? Sa isang banda, ito ay dahil sa yugtong ito ng gawain Niya, nasabi at natustos na Niya sa mga tao ang iba’t ibang katotohanang dapat nilang maunawaan, at narinig na nila ang mga katotohanang ito, at mayroon na silang pagkaarok at kaalaman sa mga ito sa loob ng saklaw ng pagkaarok nila. Isang dahilan ito. Ang isa pang dahilan ay nauugnay sa mga personal na salik ng mga tao. Ang mga tao ay may konsensiya ng normal na pagkatao, at sa ilalim ng epekto ng konsensiyang ito, tatantyahin nila kung positibo ba o negatibo ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila, o ang sarili nilang mga kilos, kaisipan, at pananaw. Sa loob ng mga tao, sa pinakamababa, may pamantanyan ng konsensiya sa pagtantya lahat ng ito. Kung gagamitin mo ang konsensiya mo para tantyahin ang isang partikular na bagay at matukoy mo na positibo ito, dapat kang humayo at gawin mo ito, at hindi mo kailangang sawayin ang sarili mo kung medyo mabagal o huli ka na sa paggawa nito. Kung gagamitin mo ang konsensiya mo para tantyahin ang bagay na iyon at matukoy mo na negatibo ito at isang bagay na hindi dapat gawin, dapat mong pigilan ang sarili mo at huwag mo itong sabihin o gawin. Gayumpaman, kung wala kang mga damdaming dulot ng konsensiya at katwiran mo, hindi ka isang tao. Kung wala ka man lang konsensiya at katwiran, imposibleng matantya mo kung ang isang bagay ay tama ba o mali, positibo ba o negatibo, at kaya magiging walang kabuluhan para sa Diyos na disiplinahin at parusahan ka. Sa madaling salita, hindi gumagawa ang Diyos sa mga hindi nasasailalim sa mga epekto ng konsensiya, at hindi Niya inililigtas ang mga gayong tao. Ano ang kabilang sa “hindi pagliligtas sa kanila”? Ni ayaw Niyang disiplinahin sila; hindi Niya sila dinidisiplina o itinutuwid. May ilang nagtatanong, “Kung gumagawa ng kasamaan ang isang tao, paparusahan ba siya ng Diyos?” Hindi siya direktang paparusahan ng Diyos, dahil may mga atas administratibo ang iglesia. Kung isa siyang masamang taong nagdudulot ng panggugulo o paggambala, ang magiging katapusan nito ay ang pagpapaalis o pagtitiwalag sa kanya. Kahit na hindi siya pasok sa mga kondisyon ng pagpapaalis o pagtitiwalag, mapapadala siya sa grupong B. Kung nilulustay ng isang tao ang mga handog sa Diyos, mas malubha iyon, at dapat niyang ibalik ang anumang dapat niyang ibalik, at pagkatapos ay dapat siyang pangasiwaan nang naaangkop. Ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos at ang prinsipyo ng pagtrato Niya sa mga tao. Simple ito, hindi ba? (Oo.) Iniisip mo ba na ang pagpili ng Diyos sa iyo ay nangangahulugan na dapat ka Niyang gawing ganap, at na hindi Siya titigil hangga’t hindi Niya nagagawa iyon? Iyon ang kaso para lang sa mga may konsensiya at katwiran, at sa mga naghahangad sa katotohanan—ito ang kaso para lang sa mga puwedeng maligtas. Para sa mga wala man lang kamalayan ng konsensiya, kailangan lang silang tratuhin at harapin nang ayon sa mga atas administratibo ng iglesia—hindi sila didisplinahin ng Diyos. Ano pa ang saysay ng pagdidisiplina sa kanila? Ang pagdidisiplina sa mga taong walang normal na pagkatao at konsensiya ay katumbas ng pagpilit sa isang isda na mamuhay sa lupa, o sa isang baboy na lumipad, ito ay katulad ng paghahagis ng mga perlas sa harap ng mga baboy at pagpapakain ng mga banal na bagay sa maruruming nilalang—tiyak na hindi ito ginagawa ng Diyos. Samakatwid, sa usaping ito, hindi dapat isipin ng mga tao, “Hinirang ako ng Diyos, isa ako sa mga tupa ng Diyos, at kahit na makagawa ako ng mga pagkakamali at makagawa ng kasamaan, hindi ako tatalikdan ng Diyos.” Walang batayan ang pahayag na ito—mahirap sabihin kung ikaw ba ay isang tupa o isang lobo. Paano mo tinatantya kung isa ka sa mga tupa ng Diyos? Depende ito sa kung may kamalayan ka ba rito at kung nakadarama ba ang konsensiya mo ng pagsaway o pagbabawal kapag may ginawa kang isang bagay na kontra sa pagkatao at konsensiya. Kung nararamdaman nga nito na pinagbabawalan ito, itutuwid mo ang sarili mo, at kahit hindi mo nauunawaan ang katotohanan, magagawa mong kumilos nang ayon sa pamantayan ng konsensiya. Sa pinakamababa, magagawa mong kumilos nang ayon sa normal na pagkatao. Kung may mga ganito kang pagpapamalas, isa ka sa mga tupa ng Diyos. Kung, kapag nahaharap ka sa isang bagay na salungat sa konsensiya ng normal na pagkatao at lumalabag sa moral na katarungan, wala kang kahit katiting na pagpapahalaga sa katarungan, at wala kang nadaramang pagkapoot o pagkamuhi sa kasamaang ginawa mo, o sa panggugulong dinulot ng masasamang tao, at hindi talaga nakakaramdam ng pagbabawal ang konsensiya mo, kung gayon, hindi ka isa sa mga tupa ng Diyos, isa kang lobo, isa kang hayop, at isa kang diyablo. Ito ang pamantayan para tantyahin kung isa ka sa mga tupa ng Diyos o kung isa kang lobo. Kung hindi ka isa sa mga tupa ng Diyos, pero palagi mo pa ring sinusukat ang gawain ng Diyos gamit ang mga ideya, kuru-kuro at imahinasyon tulad ng, “Nagbunyag ako ng katiwalian at pagkamapaghimagsik, pero hindi ako dinisiplina ng Diyos; dapat akong disiplinahin ng Diyos,” kung gayon, hangal ka. Hindi ka talaga isa sa mga tupa ng Diyos, at walang layunin ang Diyos na iligtas ka, kaya, kalipikado ka bang sukatin at husgahan ang gawain ng Diyos? Kung hindi ito kahangalan, ano ito? Kaya mong tantyahin ang usaping ito, tama ba? (Kaya ko na ngayon.)
Ano ang pamantayan ng pagkakaroon ng konsensiya? Paano mo tatantiyahin kung may konsensiya o wala ang isang tao? (Depende ito sa kung mayroon siyang pagpapahalaga sa katarungan sa puso niya kapag nakikita niya ang masasamang taong gumagawa ng kasamaan o kapag nakikita niya ang mga bagay na nakakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at kung nagagawa niyang kamuhian ang mga bagay na ito. Kung wala talaga siyang kamalayan sa puso niya, wala siyang konsensiya. Isa pa, kung walang kamalayan ang isang tao sa puso niya tungkol sa kasamaang nagawa niya, o sa mga bagay na nagawa niya na malinaw na labag sa mga prinsipyo, wala ring konsensiya ang mga gayong tao.) Kung wala kang konsensiya, hindi ka tao. Sa ganoong kaso, ililigtas ka pa rin ba ng Diyos? Kung hindi ka ililigtas ng Diyos, didisiplinahin ka pa rin ba Niya? Ang pagdidisiplina at pagtutuwid ay isang maliit na bahagi ng gawain ng Diyos. Kapag sinabi Kong “maliit,” ang ibig Kong sabihin ay paminsan-minsan lang ginagamit ng Diyos ang mga pamamaraang ito, pero bahagi pa rin ang mga ito ng gawain ng Diyos. Kung wala ka man lang konsensiya o katwiran, may silbi pa ba ang pagdidisiplina ng Diyos sa iyo? Kung wala kang pagpapahalaga sa katarungan, at wala kang anumang nararamdaman sa lahat ng buktot, sa lahat ng kontra sa katotohanan, sa lahat ng kontra sa moral na katarungan, at maging sa kontra sa konsensiya mo, at hindi mo kinamumuhian ang mga gayong bagay, at kung hindi mo magawang pumanig sa Diyos para ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi mo magawang tumindig para magsabi ng isang bagay para ipagtanggol ang gawain ng iglesia—maging ng isang patas na pahayag—hindi ka tao. Hindi ka tao, pero labis-labis ka pa ring umaasa na didisiplinahin ka ng Diyos. Talagang itinataas mo ang sarili mo at hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang tagalabas! May ilang nagsasabi, “Kung ang isang tao ay hindi isa sa mga tupa ng Diyos kundi isang lobo, hindi siya didisiplinahin ng Diyos. Kaya, kung isa siya sa mga tupa ng Diyos, didisiplinahin ba siya ng Diyos?” Sa ilalim ng mga espesyal na sitwasyon, paminsan-minsan kang didisiplinahin ng Diyos at magiging responsable Siya sa iyo. Kahit kapag manhid ka at wala kang kamalayan, hihimukin ka ng Diyos, didisiplinahin ka Niya, at sasawayin ka. Ang gawain ng Diyos ay ginagawa sa angkop na antas at hanggang doon lang iyon. Bakit Siya gumagawa sa ganitong paraan? Dahil kung may konsensiya ka, kapag sinasaway ka ng Diyos sa ganitong paraan, mabilis na magkakaroon ng kamalayan ang konsensiya mo, at sisisihin mo ang sarili mo at makakaramdam ka ng pagkakautang sa Kanya; makakaramdam ka ng pagsisisi, kalungkutan, at kapighatian, at magagawa mong ituwid ang sarili mo at sa huli ay hahanapin mo ang mga katotohanang prinsipyo at magsasagawa ka ayon sa katotohanan—ito ang resultang gusto ng Diyos. Kung may sensitibo kang konsensiya at nauunawaan mo ang maraming katotohanan, at kahit hindi ka dinidisiplina ng Diyos, hindi ka Niya itinutuwid, o hinihimok, nagagawa mo pa ring mapagtanto ang problema, at may kamalayan pa rin ang konsensiya mo, at nakadarama ito ng pagsaway at pagbabawal, mas mainam iyon, at hindi na kailangan ang pagdidisiplina ng Diyos. Kahit hindi ka dinidisiplina ng Diyos, labis na sensitibo ang konsensiya mo at nakadarama ito ng pagbabawal, at nakadarama ka ng pagsisisi, kalungkutan, at pagkakautang sa Diyos, at na naagrabyado mo Siya, binigo mo Siya, at iniwan mo Siyang hindi nasisiyahan, at nagagawa mong aktibong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at kumilos ayon sa mga hinihingi Niya. Ito ang nagiging epekto sa mga tao ng konsensiya ng normal na pagkatao, at ito rin ang dapat nitong maging epekto sa mga tao. Samakatwid, ang isang tao man ay isa sa mga tupa ng Diyos o hindi, at maaari man siyang maligtas o hindi, ay depende sa kung mayroon siyang normal na pagkatao at konsensiya. Ito ay napakahalaga at importante. Kung sinasabi mong nauunawaan mo ang maraming katotohanan, kapag ikaw mismo ay mapaghimagsik, o kapag nakakatagpo ka ng masasamang taong gumagawa ng kasamaan, umeepekto ba ang mga katotohanang nauunawaan mo? Nakakamit ba ng mga ito ang epekto ng pangangasiwa sa iyo, pagbibigay-liwanag sa iyo, at pagpaparamdam sa konsensiya mo na ito ay inuusig at gumagana? Kung wala kang kamalayan ng konsensiya, wala kang konsensiya at normal na pagkatao, at ang nauunawaan mo ay doktrina sa halip na katotohanan. Kung doktrina lang ang nauunawaan mo, hindi mo maisasagawa ang katotohanan, at hindi ka isa sa mga taong maliligtas. Nauunawaan mo ito, tama ba? (Oo.) Samakatwid, sa gawain ng Diyos, pagdating sa ilang pinakapundamental na paraan ng paggawa ng Diyos, hindi dapat limitahan ng mga tao ang mga ito batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ikaw man ay nadisiplina, natuwid at naparusahan ng Diyos, o hindi pa kailanman nadisiplina, natuwid, o naparusahan, hindi ito indikasyon ng kung gaano karaming katotohanang prinsipyo ang nauunawaan mo, ni hindi nito ipinapahiwatig na isa kang taong hinirang ng Diyos. Maaaring maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos at nadisiplina at natuwid ka na nang napakaraming beses, pero hindi ka kailanman kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo—kung ganoon, kapag hindi ka naligtas sa huli, ang lahat ng ito ay magiging kasalanan mo at ang mismong nararapat sa iyo. Maaari ding bihira kang nadisiplina at naparusahan sa pananampalataya mo sa Diyos, pero dahil sa konsensiya mo, madalas mong nadarama na pinagbabawalan at sinasaway ka, at kapag gumagawa ka ng mga paglabag, nakakaramdam ka ng pagsisisi at itinutuwid mo ang sarili mo, at nagagawa mong hangarin ang mga katotohanang prinsipyo, isagawa ang katotohanan, at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—sa ganitong kaso, isa ka sa mga taong maliligtas. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Nagbanggit Ako ng dalawang sitwasyon. Ano ang mga ito sa partikular? (Ang isang sitwasyon ay kapag nadisiplina at naparusahan nang maraming beses ang mga tao, pero sa huli, hindi pa rin nila magawang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo at hindi pa nila nakamit ang katotohanan, at kaya hindi sila naliligtas, at ang lahat ng ito ay kagagawan nila. Ang isa pang sitwasyon ay kapag nagagawa ng ilang tao na gamitin ang konsensiya nila para pigilan ang sarili nila nang hindi na nila kailangang madisiplina o matuwid nang maraming beses ng Diyos, at sa tuwing nilalabag nila ang mga prinsipyo o nagbubunyag sila ng pagkamapaghimagsik ay nadarama nila na pinagbabawalan sila ng konsensiya nila, at kaya nilang aktibong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at, sa pinakamababa, kaya nilang gumawa ng ilang positibong bagay, at kaya kasama sila sa maliligtas. Tinalakay ng Diyos kanina ang tungkol sa dalawang sitwasyong ito.) Kaya man nilang kumilos o hindi ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay ang pamantayan ng pagsusuri sa dalawang uri ng taong ito. Ang ilang tao ay hindi kayang kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at gaano man karaming doktrina ang nauunawaan nila o gaano man sila dinidisiplina at pinaparusahan, hindi sila mga pakay ng pagliligtas. Samantala, ang ilang tao ay bihirang madisiplina o maparusahan ng Diyos o matuwid at masaway Niya, pero madalas nilang nagagawang pagnilayan ang sarili nila, at sa tuwing kumikilos sila nang labag sa mga prinsipyo o nagbubunyag sila ng pagkamapaghimagsik, nakadarama sila ng pagbabawal at pagsaway sa konsensiya nila, at pagkatapos ay nakadarama sila ng pagsisisi at aktibo silang nagsasagawa nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bagama’t bihira silang madisiplina o matuwid ng Diyos, ang mga ganitong uri ng tao ay mga pakay pa rin ng pagliligtas. Ang pagdidisiplina at pagpaparusang binabanggit Ko rito ay walang kinalaman sa paghusga at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, ang mga ito ay ang simpleng iniisip ng mga tao sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon bilang pagdidisiplina at pagpaparusa. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na kung madalas silang dinidisiplina at pinaparusahan, ibig sabihin nito ay mayroon silang patotoong batay sa karanasan, at na sila ay mga espirituwal na tao. Madalas ding inuugnay ng mga tao ang pagdidisiplina at pagpaparusa sa gawain ng Banal na Espiritu, at naniniwala silang nauugnay ang mga ito sa agos ng Banal na Espiritu. May ilang taong madalas na nagsasabi, “Hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko, at pinungusan na naman ako. Ngayon ay may mga singaw ako sa bibig at nagkasakit ako—ito ang pagdidisiplina ng Diyos sa akin.” Maraming tao ang madalas na nagbabahaginan tungkol sa mga karanasang ito, pero dapat mong tingnan kung ano ang mga pagpapamalas nila sa tuwing may mga isyung sumasapit sa kanila—tingnan mo kung nadarama nilang pinagbabawalan sila ng konsensiya nila sa tuwing may ginagawa silang mali, at kung nagagawa ba nilang tumindig at itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag nakakatagpo sila ng masasamang taong gumagawa ng kasamaan o kapag nahaharap sila sa mga buktot na bagay. Kung hindi, walang konsensiya ang mga taong ito at hindi sila tao! Nagsasabi sila ng mga salitang magandang pakinggan, at tinatalakay ng mga ito nang napakahusay ang tungkol sa maraming patotoong batay sa karanasang tagalay nila—para bang pinakitaan sila ng Diyos ng labis na biyaya, at gumawa nang labis na gawain sa kanila at nagsabi ng napakaraming salita sa kanila, at tila ipinapahiwatig nito na nagkamit na sila ng kaligtasan. Gayumpaman, sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa tuwing nahaharap sila sa mga problemang nauugnay sa mga prinsipyo, hindi nila kailanman itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at palagi silang umaatras tulad ng isang pagong na nagtatago sa talukab nito at umiiwas sa isyu. At sa tuwing hinihiling sa kanila na magsalita at magpahayag ng kanilang mga pananaw at opinyon, sila ay tumatanggi, nagmamaang-maangan, at nananahimik. Hindi talaga nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, ni hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Anong mga tao ang mga ito? Mga mapagpaimbabaw sila. Kapag dinidiligan at tinutulungan nila ang iba, tinatalakay nila ang tungkol sa mga espirituwal na teorya sa isang labis na sistematiko at lohikal na paraan, at inaabot sila ng ilang oras, napapaluha ang ilang tao, pero hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan sa sarili nilang mga kilos—mga Pariseo ang mga ito. Gaano man karaming mala-espirituwal na karanasan at mala-espirituwal na doktrina ang tinatalakay nila, o gaano man karaming walang kabuluhang salita at eksaheradong salita ang sinasabi nila, hindi sila sinasaway ng konsensiya nila; at pagdating sa anumang pangunahing isyu ng tama at mali o ng mga usapin ng prinsipyo, hindi sila pumapanig sa katotohanan o hindi nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi talaga sila sinasaway ng konsensiya nila, pero pagkatapos, nagagawa pa rin nilang magmayabang tungkol sa kung paano nila ipinagtatanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nagagawa pa rin nilang maglitanya ng mga doktrinang magandang pakinggan—ito ay pagiging mapagpaimbabaw at kawalan ng kamalayan ng konsensiya. Napakaraming beses silang nabibigo na isagawa ang katotohanan, napakaraming beses nilang nilalabag ang katotohanan, napakaraming beses nilang nililinlang at nililihis ang mga tao, pero hindi talaga sila sinasaway ng konsensiya nila, at nagagawa pa rin nilang mapangahas na magpakitang-gilas—ito ay pagiging walang pagkatao! Kumikilos sila nang arogante at nanlilinlang sila sa ganitong paraan kung saan-saan, at hindi man lang sila nahihiya; hindi nila isinasagawa ang katotohanan, pero ipinagmamayabang pa rin nila na mga espirituwal silang tao, na sila ay mga taong naligtas at ginawang perpekto ng Diyos, at nagmamahal sa Diyos nang higit sa sino man—ito ay kawalan ng kamalayan ng konsensiya, at ang mga ito ay hindi mga taong naligtas. Maaari bang ang mga naligtas ay walang normal na pagkatao at kamalayan ng konsensiya? Nadarama ng ilang tao na hindi nila masyadong gusto ang katotohanan, at sa tuwing nahaharap sila sa mga problemang may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, o sa mga pangunahing isyu ng tama at mali, nagiging mapagpalugod sila ng mga tao, sinusubukan nilang iraos lang ang mga bagay, at hindi nila kailanman nagagawang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at kaya nadarama nilang sinasaway sila sa puso nila at madalas silang nagdarasal sa harap ng Diyos at nakakaramdam ng pagkakautang sa Kanya. Bagama’t madalas silang mahina at hindi nila magawang lampasan ang hadlang na ito, alam nila sa puso nila na hindi nila itinaguyod ang katotohanan o katarungan, at na hindi sila nanindigan sa patotoo nila sa Diyos, at na mga mapagpalugod lang sila ng mga tao, kaya masyado silang nahihiyang sabihing mayroon silang anumang patotoo. Ito ay dahil hindi nila itinaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at wala silang tunay na patotoong batay sa karanasan, at sila ay naghihirap at bulag at hindi nila natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos; alam nila ito sa puso nila, at madalas na nakadarama ng pagbabawal ang konsensiya nila dahil dito, at nadarama nilang may pagkakautang sila sa Diyos at nalulungkot sila. May pag-asa at paraan pa rin para magkamit ng kaligtasan ang mga taong ito. Sa kabaligtaran, may mga taong mukhang nakakaunawa nang husto sa katotohanan sa panlabas, at mukhang kaya nilang diligan, tustusan, at tulungan ang mga tao, pero kapag nahaharap sila sa mga problemang may kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo, o sa mga pangunahing isyu ng tama at mali, hindi sila kailanman pumapanig sa Diyos at hindi nila kailanman itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, pero nagmamayabang sila tungkol sa pagiging mga espirituwal na tao, mga taong nagmamahal sa Diyos, at mga taong tapat sa Diyos. Labis na nasa panganib ang mga ganitong tao. Hindi sila naglalakas-loob na harapin ang realidad, hindi sila naglalakas-loob na lutasin ang mga totoong problema, hindi sila naglalakas-loob na ideklara ang posisyon nila sa mga malalaking isyu, at hindi sila naglalakas-loob na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo sa isang hayag at tuwirang pamamaraan, pero sa kabila nito, walang kahihiyan pa rin nilang ipinagyayabang na mga espirituwal silang tao, at sinasabi nilang sila ang pinakanagmahahal sa Diyos at pinakanakakaarok sa mga layunin ng Diyos. Ang mga ganitong tao ay wala talagang kamalayan ng konsensiya. Magagawa ba ng isang taong walang kamalayan ng konsensiya na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo? Naglalakas-loob ba silang ideklara nang hayagan ang kanilang posisyon at pumanig sa Diyos para harapin ang masasamang tao? Imposible iyon; napakahirap para sa mga gayong tao na isagawa ang katotohanan.
Kung ang isang tao ay may konsensiya ng normal na pagkatao, aayusin niya ang kanyang mga kaisipan, salita, at gawa. Ano ang ibig sabihin ng “aayusin”? Ibig sabihin, kapag ang iyong mga kaisipan at pag-uugali ay labas na sa pamantayan ng normal na pagkatao, huhusgahan ng konsensiya mo na mali na mag-isip nang ganoon at na hindi mabuting gawin ang bagay na iyon, at kaya mamumula ka at hindi ka mapapanatag at madarama mong sinasaway ka. Pagkatapos maramdaman ang mga ito, medyo mapipigilan ang mga kaisipan at pag-uugali mo, at ang ganitong antas ng pagpipigil ang mag-aayos sa pag-uugali mo at magbibigay sa iyo ng kakayahang iwasan ang paggawa ng mga bagay na malinaw na labag sa mga katotohanang prinsipyo, at mga bagay na labag sa konsensiya at moral na katarungan. Pero kung wala kang pamantayan ng konsensiya, kapag ginagawa mo ang mga bagay, mawawalan ka ng anumang pamantayan para iayos at pigilan ang mga kaisipan at pag-uugali mo, at kaya mawawalan ka ng limitasyon, gagawin mo anuman ang maisipan mo, anuman ang gusto mo, at anuman ang nakakatulong at kapaki-pakinabang sa iyo. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito ng kawalan mo ng anumang pagpipigil, labis na lulubha ang mga kaisipan at pag-uugali mo. Ano ang ibig sabihin ng “labis na lulubha”? Walang magiging anumang regulasyon sa mga ito. Magiging katulad lang ito ng kapag dinadaya ng mga walang pananampalataya ang mga tao—wala silang kamalayan ng konsensiya, at kung maloloko ka nila na bigyan sila ng libo-libong salapi, hindi sila makokonsensiya, at kung magagantso ka nila hanggang sa puntong masira ang pamilya mo, hindi rin sila makokonsensiya, at kahit na lumuhod ka sa kanila at magmakaawa ka sa kanila, hindi ka nila papansinin. Tunay na lubha silang masamang tao. Bakit nagagawa nilang gumawa ng gayong kasamaan? Dahil wala silang kamalayan ng konensiya, o ng pagpipigil na ibinibigay ng konsensiya, at kaya maaari silang maging napakasama at maging mga kasuklam-suklam na makasalanan. Samakatwid, mahalagang magkaroon ng konsensiya ng normal na pagkatao. Nagagawa ng mga tao na pangunahing itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo sa ilalim ng kondisyon na mayroon silang kamalayan ng konsensiya. Ang pagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya at ng pakiramdam ng kahihiyan ang siyang nagbibigay-kakayahan na maayos ang pag-uugali mo at nagbibigay sa iyo ng oportunidad na tumahak sa landas ng paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan. Kung wala kang kamalayan ng konsensiya para ayusin ang sarili mo, hindi ka magkakaroon ng pagkakataong tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Samakatwid, sa pundasyon lang ng pagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya magkakaroon ang mga tao ng pagkakataong maakay sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo—pero magkagayon man, mayroon lang sila ng ganitong pagkakataon. Sinasabi Ko na mayroon lang silang ganitong pagkakataon, dahil kahit kapag naaayos ng kamalayan ng konsensiya ang mga kaisipan at pag-uugali ng isang tao, maaari pa rin niyang labagin ang mga katotohanang prinsipyo o hindi kumilos nang ayon sa mga ito, nagiging neutral, hindi itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo pero hindi rin nakikipagsabwatan sa masasamang tao. Ibig sabihin, sa ilalim ng epekto ng konsensiya, ang medyo mabubuting tao ay kayang isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, samantalang ang mga taong medyo may mahinang kakayahan, kahit papaano, ay kayang iwasan ang makontrol o mapilit ng masasamang tao, at iwasang sumunod sa mga ito sa paggawa ng kasamaan—pag-abot lang ito sa batayang nagmumula sa pamantayan ng konsensiya. Kahit hindi mo isinagawa ang katotohanan, hindi ka gumawa ng kasamaan. Kahit papaano, ang ganitong tao ay matatawag pa rin na isang taong may konsensiya, at bagama’t hindi pa siya nagsasagawa sa katotohanan, tiyak na hindi siya gagawa ng kasamaan. Ito ang epekto ng konsensiya sa mga tao. Para sa mga nagmahahal sa katotohanan, ang isa sa mga pinakakapaki-pakinabang na epekto ng konsensiya ay na may tsansa itong ayusin ang kanilang mga salita at pag-uugali, at maaari silang akayin sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, para sa mga tao, ang konsensiya ay isang napakahalagang bahagi ng kanilang pagkatao, at ito ay isang bagay na hindi puwedeng mawala sa kanila. Kaya, ano ang ibig sabihin ng “konsensiya”? Pag-uusapan natin iyan nang detalyado mamaya kapag may pagkakataon tayo, pero talakayin lang natin ito nang maiksi ngayon. Ang konsensiya ay tumutukoy sa pagkakaroon ng isang tao ng mabuting puso at pagpapahalaga sa katarungan, na ang siyang dalawang pinakabatayang katangian. Kung taglay mo ang dalawang katangiang ito, isa kang taong may konsensiya; Kung hindi mo taglay ang anuman sa dalawang katangiang ito, wala kang konsensiya. Ang mga taong walang konsensiya ay walang normal na pagkatao, at ang kawalan ng normal na pagkatao ay nangangahulugang wala silang pagpapahalaga sa katarungan at hindi mabuti ang puso nila. Ano ang ibig sabihin ng “walang pagpapahalaga sa katarungan”? Ang ibig sabihin nito ay pagiging baliko at buktot. Ano ang ibig sabihin ng “hindi mabuti ang puso”? Ang ibig sabihin nito ay pagiging mapaminsala, malupit, at buktot. Ang mga taong nagtataglay ng mga disposisyong ito ay mga taong walang pagkatao, at dahil dito ay may kakayahan silang gumawa ng anumang uri ng masamang bagay, dahil wala silang konsensiya ng normal na pagkatao, wala rin sila ng dalawang diwa na pagpapahalaga sa katarungan at pagiging mabuti ng puso na taglay ng konsensiya ng normal na pagkatao. Wala silang kahihiyan, labis silang baliko, at lubha silang malupit at mapaminsala, kaya may kakayahan silang gumawa ng anumang uri ng masamang bagay. Ibig sabihin, gaano man kabuktot at kamapaminsala ang mga bagay na ginagawa nila, wala silang nararamdaman—hindi sila nakokonsensiya, at hindi nila nadaramang sinasaway sila. Bakit may kakayahan silang gumawa ng anumang uri ng kasamaan? Dahil hindi mabuti ang puso nila at wala silang diwa ng pagkatao; anumang kasamaan ang ginagawa nila, tingin nila ay may katwiran ito at hindi nila nadaramang masama ito. Halimbawa, kung isa kang taong may kamalayan ng konsensiya, kapag may sinabi kang sumusumpa o bumabatikos sa isa pang tao, hindi mo ito makakayanan. Iisipin mo, “Nakapagsabi ako ng ilang salita para isumpa sila, at sapat na iyon. Talagang sumasama ang loob nila kapag sinusumpa ang mga tao! Sasama rin ang loob ko kung may susumpa sa akin nang ganoon, kaya ngayong may ilang bagay na akong nasabi para isumpa sila upang maibsan ang pagkamuhi ko at makapaglabas ako ng sama ng loob, hanggang doon na lang iyon.” At kaya titigil ka na. Pero hindi ganoon mag-isip ang masasamang tao. Iniisip nila, “Masyadong magaan ang pagsumpa sa iyo. Bubugbugin din kita, sisirain ko ang pamilya mo, at pagdudusahin ko ang mga inapo mo! May katwiran ang anumang masamang bagay na ginagawa ko sa iyo. Hangga’t natatanggap mo ang nararapat na parusa sa iyo at nailalabas ko ang pagkamuhi ko, handa akong gawin ang anuman!” Maaari ngang hindi ka nila isumpa, at gawan ka na lang ng masasamang bagay at paghigantihan ka—ito ang pagiging masama. Ganito ang mga taong walang kamalayan ng konsensiya—may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan.
Sa loob ng iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, ang mga alam ng mga tao ay pangunahing ang mga kuru-kurong madalas nilang tinatalakay na nauugnay sa pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa. Sa isang banda, nagbahaginan tayo sa mga kuru-kuro at imahinasyong lumilitaw sa mga tao sa loob ng gawain ng Diyos; sa kabilang banda, dapat ding malaman ng mga tao na gumagawa ang Diyos sa mga tao sa marami at iba’t ibang paraan. Depende sa iba’t ibang kapanahunan ng Kanyang paggawa, at depende sa iba’t ibang pamantayang hinihingi Niya sa mga tao, at siyempre, depende sa iba’t ibang resultang gusto Niyang makamit sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang gawain, at depende rin sa iba’t ibang pakay ng Kanyang gawain at sa iba’t ibang kalikasang diwa ng mga tao, gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang pamamaraan at gumagawa Siya sa mga tao sa marami at iba’t ibang paraan. Ang pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa ay isang maliit na bahagi lang ng gawain Niya, at hindi ang mga ito ang mga pangunahing pamamaraang ginagamit Niya sa gawain Niya. Dahil sa ikatlong yugto ng gawain Niya, nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan para tustusan ang mga tao at makamit ang resulta ng pagliligtas sa kanila, napakaliit ng bilang ng pagdidispilina, pagtutuwid, at maging ng gawain ng pagpaparusang ginagawa Niya sa mga tao. Higit pa rito, depende sa iba’t ibang pakay ng Kanyang gawain, ginagawa rin ng Diyos ang mga bagay na ito nang ayon sa mga nauugnay na prinsipyo, at ang mga kilos Niya ay nag-iiba-iba depende sa mga pakay at sa iba’t ibang sitwasyon. Dahil doon, kung tutuusin, bihira Niyang disiplinahin, ituwid, o parusahan ang mga tao. Samakatwid, dapat tigilan na ng mga tao ang pagkapit sa mga dati nilang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at dahil napakarami nang ipinahayag ng Diyos na mga salita at katotohanan, hindi sila dapat patuloy na umasa sa pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa sa kanila ng Diyos, pasibong hinahayaan Siya na himukin silang isagawa ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad—isa itong ideyang hindi dapat taglayin ng mga tao. Ang tamang ideyang dapat taglayin ng mga tao ay na hindi sila dapat pasibong umasa sa pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa ng Diyos sa kanila para ipaunawa sa kanila ang mga layunin Niya o para palapitin sila sa Kanya, at sa halip ay dapat mas maging positibo at maagap sila sa paglapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang mga layunin at ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit kailan man, ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo ang direksiyon ng pag-usad mo, at ang mga ito ang mga prinsipyo at landas na pinakadapat mong itaguyod at isagawa sa pang-araw-araw mong buhay o sa landas ng pag-iral mo, samantalang ang pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ay mga paraan lang ng paggawa na ipinapakita Niya sa ilang espesyal na sitwasyon at sa mga sitwasyong sa tingin Niya ay kinakailangan. Para sa mga tao, hindi sila dapat pasibong maghintay o pasibong humiling na mangyari ito, iniisip na, “Dapat akong disiplinahin, ituwid, at parusahan ng Diyos para magawa kong mahalin ang katotohanan at makapasok ako sa mga katotohanang realidad.” Isa itong nakalilinlang na ideya, at isa itong ideyang hindi dapat taglayin ng mga tao. Naririnig ng ilang tao na iyong mga walang konsensiya ay mga hayop at hindi maliligtas, kaya nababalisa sila at iniisip nila, “Kung hindi ako maliligtas, malaking problema iyon. Dahil wala ako ng kamalayan ng konsensiya ng normal na pagkatao, mas gugustuhin kong disiplinahin at parusahan ako ng Diyos bilang kapalit ng konsensiya ng normal na pagkatao.” Magandang ideya ba ito? Bilang isang nilikha, at bilang isang ordinaryong kasapi ng tiwaling sangkatauhan, kung talagang iniisip mo na wala kang normal na pagkatao at walang konsensiya ng normal na pagkatao, malalim mong nadarama ang pasakit nito, at umaasa kang hindi ka lilisanin ng pagdidisiplina, pagtutuwid at pagpaparusa ng Diyos, at na bibigyang-kakayahan ka ng mga ito na magbago at manatiling buhay sa huli—kung talagang may ganito kang determinasyon, maaaring mabuting bagay iyon, at medyo may pag-asa nang manatili kang buhay. Pero kung wala kang ganoong determinasyon, sinasabi Ko sa iyo: Labis kang nasa panganib kung wala ka ng kamalayan ng normal na pagkatao. Kahit na paminsan-minsan kang nakakatanggap ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa ng Diyos, isa iyong bagay na ipinagkaloob Niya sa iyo. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito at ginagamit ang mga pamamaraang ito para himukin ka at bigyan ka ng babala, para mas kakaunti ang gagawin mong kasamaan at ang tatanggapin mong kaparusahan. Sapat na ang pagligtas ng Diyos sa pagpapahalaga mo sa sarili; dapat kang magpasalamat sa Diyos na ginawa ka Niyang eksepsiyon sa pamamagitan ng pagpapakita sa iyo ng biyayang ito, sa halip na hindi pagkaalam sa kung ano ang nakakabuti sa iyo. Sa mga normal na sitwasyon, ang Diyos ay hindi gagawa ng anumang gawain o hindi gagamit ng anumang paraan ng paggawa sa isang taong walang konsensiya at katwiran ng pagkatao. Kung nakatanggap ka ng pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa mula sa Diyos, anuman ito, katamtaman man ito o medyo mas malubha, dapat kang magpasalamat sa Diyos para sa lahat ng ito. Sa kolokyal na pananalita ng tao, ito ay pagkakaroon ng Diyos ng batayang respeto para sa iyo at pagtataas Niya sa iyo. Hinding-hindi ka tinitingnan ng Diyos ng may pagkamapanlaban o hindi ka Niya kinokondena, kaya dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Kung talagang may pagkakataon kang tanggapin ang pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos nang lampas sa panustos ng katotohanan, pinapatunayan nito na tinatrato ka pa rin ng Diyos bilang isang nilikha at kasapi ng tiwaling sangkatauhan. Dapat mong pasalamatan ang Diyos, umawain ito nang tama, at dapat kang magpasakop sa pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos. Hindi ka dapat magkimkim ng mapanlaban na saloobin sa Diyos dahil dito, ni hindi ka dapat mas maghimagsik laban sa Diyos dahil dito. Anumang uri ng disiplina ang natanggap mo, o gaano man kalubha ang parusang natanggap mo, dapat kang magpasakop sa Diyos at pasalamatan Siya agad-agad, pasalamatan Siya para sa paghimok sa iyo at pagbibigay ng babala sa iyo, at para sa pagbibigay sa iyo ng pagkakataong ito, at para sa pagtutulot sa iyo na magkaroon ng pagkakataong matanggap ang lahat ng ito mula sa Diyos. Pinapatunayan din nito na may ugnayan ka pa rin sa Diyos at na hindi pa ganap na naputol ang ugnayang ito. Sa gawain ng Diyos sa pamamahala sa sangkatauhan, at sa proseso ng pagliligtas Niya sa mga tao, nasa puso ka pa rin ng Diyos; sa pinakamababa, nakikita ka pa rin ng Diyos—kapag nakikita Niya ang pagkamapaghimagsik at katiwalian mo, handa pa rin Siyang disiplinahin ka, ituwid ka, at parusahan ka. Pinapatunayan nito na hindi pa Siya ganap na sumuko sa iyo; para sa iyo, mapalad ito, at mabuting balita rin ito. Samakatwid, kahit na mapasailalim ka sa kaunting masakit na pagdidisiplina o pagtutuwid, dapat kang lumapit sa Diyos agad-agad. Ang layunin ng paglapit sa Diyos ay hindi para yumuko ka sa harap Niya, ni para iparamdam sa iyo na nakakasindak o nakakatakot ang Diyos. Sa halip, dapat mong maunawaan kung ano ang dapat mong gawin para mapalugod ang Diyos, kung ano ang dapat mong gawin para hindi na magalit ang Diyos sa iyo, at kung ano ang dapat mong gawin para mawala ang galit Niya. Sa pinakamababa, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo, sa loob ng saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng kakayahan mo, na isagawa ang mga katotohanang prinsipyong sinabi ng Diyos sa iyo, at hindi mo dapat galiting muli ang Diyos. Kung palaging nagagalit ang Diyos sa iyo, at patuloy kang nagiging labis na manhid, at nagmamatigas ka at matigas ang kalooban mong tinitingnan ang Diyos nang may pagkamapanlaban at lumalaban ka sa Kanya hanggang sa dulo, sa huli, hindi maiiwasan na susukuan ka ng Diyos. Sa oras na hindi ka na dinidisiplina, itinutuwid, o pinaparusahan ng Diyos, ay ang oras na sumuko na ang Diyos sa iyo. At sa sandaling sumuko na ang Diyos sa iyo, titigil na Siya sa paghimok sa iyo, at aalisin ka Niya sa Kanyang paningin, ililipat ka sa isang lugar na nasa labas ng iglesia, sa isang lugar na malayo sa sentro ng Kanyang gawain; sa pinakamababa, idudulot Niya na hindi ka Niya makita sa panahon ng Kanyang gawain—aayaw na ang Diyos na makita ka. Kung ganito na kalubha ang ginawa mong kasamaan at umabot ka na sa puntong ito, wala ka nang pag-asang maligtas. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Ang pagbabahaginan ngayon ay nauugnay sa paksa ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban sa Diyos. Ito man ay paglalantad sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos, o paglalantad sa mga saloobin nila tungkol sa Diyos, o pakikipagbahaginan tungkol sa kung paano mismo at sa anong mga paraan ginagawa ng Diyos ang gawain Niya sa mga tao, ano’t anuman, ang sinasabi ng mga ito sa mga tao sa huli ay na: Ang tamang pananaw na pinakadapat nilang panghawakan sa gawain ng Diyos ay ang tanggapin at magpasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at ang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang bawat katotohanang prinsipyong itinutustos Niya sa kanila, sa halip na lumihis mula sa Diyos. Sa tuwing may ginagawa silang anuman, dapat nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at dapat silang magsagawa ayon sa mga ito, at maghangad ng pagpasok sa katotohanang realidad, sa halip na pagsumikapan ang kanilang panlabas na pag-uugali, o sa panlabas na pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga, at tiyak na sa halip na masilo sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon at masyadong pag-alala sa mga ito. Pagkatapos ng lahat, anuman ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, ang resultang layong makamit ng gawain ng Diyos ay ang isagawa ang Kanyang mga salita at ang katotohanan sa mga tao, at bigyan sila ng kakayahang magkaroon ng mga katotohanang prinsipyong susundin at itaguyod nila ang mga katotohanang prinsipyong ito sa lahat ng nararanasan nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay at sa landas ng pag-iral nila—ito ang nilalayong resulta ng gawain ng Diyos. Ang panghuling resultang nakakamit ng gawain ng Diyos ay na ang katotohanan ang nagiging realidad at buhay ng mga tao, sa halip na naisasakatuparan Niya ang lahat ng ito ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Nauunawaan mo ito, tama ba? Halos sapat na ang napagbahaginan natin sa mga paksang ito, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, dito na nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayon. Paalam!
Hulyo 8, 2023