Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 15

Nakapagbahaginan na ba kayo sa inyong mga pagtitipon tungkol sa mga paksang tinatalakay natin kamakailan? (Diyos, nakapagbahaginan kami tungkol sa mga paksang ito sa aming mga pagtitipon.) Ano ang naging resulta ng inyong pagbabahaginan? May bago ba kayong natuklasan o naunawaan? Umiiral ba sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao ang mga paksang ito na pinagbahaginan natin? (Oo, lahat ng ito ay umiiral sa buhay ng tao. Matapos makinig nang ilang beses sa pagbabahagi ng Diyos tungkol sa mga paksang ito, natuklasan ko na ang turo ng ating mga magulang at ang pagkokondisyon ng ating mga pamilya mula sa sunod-sunod na henerasyon ay lubos tayong nagawang tiwali. Mula pa sa kabataan, unti-unting itinanim sa atin ng ating mga magulang ang mga kaisipang ito, tulad ng, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Matapos ikintal ang kaisipang ito sa akin, naniwala akong parahindi apihin at maliitin, dapat mong maging magaling kaysa sa iba at mamukod-tangi sa karamihan sa buhay na ito. Noon, inakala kong ang mga kaisipang ito na itinuro sa atin ng ating mga magulang ay para sa ating ikabubuti at proteksiyon. Sa pamamagitan ng ilang beses na pagbabahaginan at pagsusuri ng Diyos, napagtanto ko na ang mga kaisipang ito ay negatibo at mga paraan ni Satanas ng paggawang tiwali sa mga tao. Mas lalo tayong inilalayo ng mga ito sa Diyos at dadalhin tayo nang mas malalim sa katiwalian ni Satanas, inilalayo tayo nang inilalayo sa kaligtasan.) Sa madaling salita, kinakailangang magbahagi tungkol sa mga paksang ito, hindi ba? (Oo.) Pagkatapos magbahaginan nang ilang beses tungkol sa mga bagay na ito, nagkakaroon ng mas malalim na pag-unawa ang mga tao tungkol sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa kanila ng kanilang mga pamilya, at nauunawaan na nila ang mga ito nang mas tumpak. Pagkatapos magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito, hindi ba’t mas magkakaroon ng agwat sa ugnayan ng mga tao sa kanilang mga pamilya at magulang? (Hindi magkakaroon ng agwat. Noon, palagi kong nararamdaman na naging mabuti sa akin ang aking mga magulang, pero pagkatapos marinig ang pagbabahaginan ng Diyos, napagtanto ko na misyon ng mga magulang ko na ipanganak at palakihin ako. Higit pa rito, ang mga kaisipang ikinintalnila sa akin mula pa sa murang edad ay ginagawa akong tiwali. Nang magkaroon ako ng pagkilala rito, hindi na ako gaanong magiliw sa kanila.) Unang-una sa lahat, tungkol sa mga kaisipan nila, ang mga tao ay mayroon na ngayong tumpak na pagkaunawa sa mga responsabilidad ng kanilang mga magulang at sa biyayang ipinakita ng pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang; hindi na sila umaasa sa pagmamahal, pagkamainitin ng ulo, o pisikal na ugnayan sa dugo para harapin ang mga ito. Sa halip, kaya na nilang harapin nang makatwiran ang kanilang pamilya at mga magulang mula sa tamang perspektiba at posisyon. Sa ganitong paraan, sumasailalim ang mga tao sa malaking pagbabago sa kanilang pagtrato sa mga isyung ito, at nagbibigay-daan ang pagbabagong ito para makagawa sila ng malaking hakbang sa kanilang buhay pagpasok at sa mga hinihingi ng Diyos sa kanila. Kaya, kapaki-pakinabang at kinakailangan para sa mga tao ang pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito, dahil lahat ng ito ay mga bagay na kinakailangan ng mga tao at na wala sa kanila.

Ang mga paksang pinagbahaginan natin dati tungkol sa pagkokondisyon ng pamilya ng isang tao ay pangunahing umiikot sa mga layon at prinsipyo ng pag-asal, sa mga pamamaraan ng pagharap sa mundo, at sa pananaw ng isang tao sa buhay at pag-iral, at sa mga pamamaraan at panuntunan ng pagbangon sa buhay, at iba pa. Ang lahat ng ito ay mga paksang may kinalaman sa pagkokondisyon ng kaisipan ng bawat isa at sa kanilang mga kaisipan at pananaw. Sa pangkalahatan, walang positibo sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na ikinintal ng mga pamilya at magulang, at wala sa mga ito ang tunay na makakagabay sa isang tao sa tamang landas o makakatulong sa kanya na bumuo ng tamang pananaw sa buhay, na magbibigay-kakayahan sa kanya na tuparin ang kanyang mga responsabilidad at obligasyon bilang nilikha sa presensiya ng kanyang Lumikha. Ang lahat ng itinuturo sa iyo ng mga magulang at ng pamilya ay para akayin ka sa direksiyon ng mundo at sa masasamang kalakaran nito. Ang layon ng mga ito sa pagkokondisyon sa iyo ng mga kaisipan at pananaw na ito ay ang tulungan kang mas mabilis na maging bahagi ng lipunan at ng masasamang kalakaran, at mas madaling masanay sa masasamang kalakaran at sa iba’t ibang hinihingi ng lipunan. Bagamat ang mga itinuturong ito ay maaaring nakapagbibigay sa iyo ng partikular na pamamaraan ng proteksiyon, pati na rin ng ilang pamamaraan ng pagtamo ng mas magandang katayuan, reputasyon, materyal na kasiyahan, at iba pang bagay sa lipunan at sa mga grupo ng mga tao, ang mga kaisipang ito mismo na itinanimsa iyo ng iyong pamilya ay magdadala sa iyo sa sunod-sunod na masamang kalakaran, magsasanhing maging lubos kang konektado sa mundo, lipunan, at masasamang kalakaran, hanggang sa hindi mo na mailayo ang iyong sarili. Dinadalhan ka ng mga ito ng sunod-sunod na problema at paulit-ulit kang inilalagay sa mahihirap na kalagayan, kaya hindi ka nagiging sigurado kung paano haharapin ang mundo ng tao at kung paano maging isang tunay na tao, isang taong namumuhay sa liwanag, nagiging matuwid, may mabuting-puso, at nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan. Samakatuwid, ang pagkokondisyon ng iyong pamilya ay hindi nagbibigay-daan sa iyo na mamuhay sa mundong ito nang may higit na dignidad, dangal, at wangis ng tao. Sa halip, nagiging sanhi ito na ikaw ay mamuhay sa gitna ng iba’t ibang masalimuot na labanan at paghihirap, sa iba’t ibang kumplikadong ugnayan ng mga tao, at isinasailalim ka nito sa maraming makamundong obligasyon, pagkagapos, at maging sa mga kalituhan. Kapag bumaling ka sa iyong mga magulang at nagtapat ka sa kanila tungkol sa lahat ng ito, gagamit sila ng iba’t ibang taktika para payuhan ka kung paano maging mas madaya, tuso, marunong sa mundo, at mahirap matantiya habang namumuhay ka kasama ng mga tao, sa halip na ituro ka sa tamang direksiyon, tulungan kang bitiwan ang lahat ng bagay na ito at palayain ang iyong sarili, lumapit sa harap ng Lumikha at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at kilalanin nang malinaw na ang mga tadhana ng mga tao at ang lahat sa kanila ay nasa mga kamay ng Diyos, na dapat silang magpasakop sa bawat hinihinging nagmumula sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot. Ito ang sitwasyon ng pamumuhay ng mga taong may mga pamilyang nagkondisyon sa kanila ng iba’t ibang kaisipang ito. Sa madaling salita, kung ang mga kaisipang ikinondisyon ng iyong pamilya ay nagbibigay-diin sa kasikatan o pakinabang, o pakikipagkumpetensiya sa iba o pagiging palakaibigan sa mga ito, anuman ang pinagtutuunan ng mga ito, sa huli ay magsasanhi lamang ang mga ito sa iyong mga pamamaraan at panuntunan sa pagkaligtas sa buhay sa mundo ng tao na magiging mas lalong sopistikado, walang awa, tuso, at mapaminsala ang iyong mga pamamaraan at panuntunan sa pag-iral, sa halip na gawin kang mas matapat, mabuti, at matuwid, o tulungan kang mas maunawaan kung paano magpasakop sa mga pagsasaayos ng Lumikha. Samakatuwid, ang pagkokondisyon ng iyong pamilya ay maaari ka lamang ilayo mula sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay, kaya hindi ka magiging sigurado kung paano mamuhay sa paraang tunay na dapat mamuhay ang mga tao, sa paraang marangal. Higit pa rito, ang mga kaisipang natutunan mo mula sa pagkokondisyon ng iyong pamilya ay unti-unti kang gagawing mas manhid, mas mahina ang isip, o sa madaling salita, mas makapal ang mukha. Sa simula, ang pagsisinungaling sa iyong mga kasamahan, kaklase at kaibigan ay magiging dahilan para mamula ang iyong mukha, bumilis ang tibok ng iyong puso, at makonsensiya ka. Sa paglipas ng panahon, ang mga namamalayang reaksiyong ito ay mawawala lahat: Hindi mamumula ang iyong mukha, hindi na bibilis ang tibok ng iyong puso, at hindi ka na uusigin ng iyong konsensiya. Para mabuhay, gagamitin mo ang anumang paraan, nililinlang pa nga ang mga taong pinakamalapit sa iyo, kasama na ang iyong mga magulang, mga kapatid, at mga pinakamatalik mong kaibigan. Hahangarin mong makinabang mula sa kanila para mapabuti ang sarili mong buhay at madagdagan ang iyong dangal at kasiyahan—ito ay pagiging manhid. Sa simula, maaaring makaramdam ka ng kaunting paninisi sa iyong sarili at medyo makokonsensiya ka. Sa paglipas ng panahon, maglalaho ang mga sensasyong ito, at gagamit ka ng mga mas kapani-paniwalang dahilan para pagaanin ang loob mo, sinasabing, “Ganoon lang talaga ang mga tao. Hindi ka pwedeng maging pusong-mamon sa mundong ito. Ang pagiging pusong-mamon sa iba ay pagiging malupit sa sarili mo. Sa mundong ito, ang mahihina ay biktima ng malalakas. Ang malalakas ay lumalago at ang mahihina ay namamatay, ang mga nagwagi ay nagiging hari at ang mga talunan ay nagiging kriminal. Kung magtagumpay ka, walang magsisiyasat kung paano ka nagtagumpay, ngunit kung mabigo ka, wala nang matitira sa iyo.” Sa huli, gagamitin ng mga tao ang mga kaisipan at pananaw na ito para himukin ang kanilang sarili, ginagawang batayan ang mga ito sa kung paano nila hahangarin ang lahat ng bagay, at siyempre, isang paraan ng pagkamit sa layon. Kaya, saan na kayong lahat ngayon? Umabot na ba kayo sa punto ng pagiging manhid, o hindi pa? Ipagpalagay na papasok ka sa negosyo, at ang negosyong ito ay may kinalaman sa iyong kinabukasan, kalidad ng buhay, at reputasyon sa lipunan. Kung ang iyong mga pamamaraan ay tuso, at kaya mong linlangin ang sinuman, mamumuhay ka nang mas nakaaangat sa iba, magkakaroon ka ng bunton-buntong pera, at hindi mo kakailanganing sumunod sa mga kahilingan ng kahit sino. Ano ang gagawin mo kung gayon? Magiging masyado ka bang manhid, lubos na walang pakiramdam, na magagawa mong linlangin at perahan ang sinuman? (Marahil ay gagawin ko iyon.) Marahil ay gagawin mo iyon. Kailangang baguhin ito; ito ang tiwaling disposisyon na umiiral sa kaloob-looban ng sangkatauhan. Kapag walang pagkatao, ang natitira ay isang pamumuhay na alinsunod sa tiwaling disposisyon ng isang tao, pati na sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na ikinintal ni Satanas. Kung walang konsensiya, katwiran, at pakiramdam ng kahihiyan, ang buhay ng isang tao ay nagiging walang laman, walang sangkap, at walang halaga. Kung mayroon ka pa ring kaunting kahihiyan, at kapag nagsisinungaling, nandaraya, o nananakit ka ng iba ay nagagawa mong pumili kung sino ang tatamaan, hindi mo basta-bastang sinasaktan lang ang sinuman, ibig sabihin, mayroon ka pa ring konsensiya at pagkatao. Ngunit kung kaya mong linlangin o saktan ang sinuman nang walang pag-aatubili, tunay ka ngang isang buhay na Satanas sa loob at labas. Kung sasabihin mo na, “Hindi ko kayang linlangin ang aking mga magulang, kamag-anak, kaibigan, at inosenteng tao, at lalo na ang aking mga kapatid sa sambahayan ng Diyos, at hindi ko kayang dayain ang mga handog sa Diyos,” kung gayon, mayroon ka pa ring mga moral na limitasyon, at maari ka pa ring ituring na isang taong may kaunting konsensiya. Gayunpaman, kung wala ka man lang nitong kaunting konsensiya at limitasyon na ito, hindi ka karapat-dapat na tawaging tao. Kaya, ano na ang puntong narating ninyo? Mayroon ba kayong mga limitasyon? Kung mayroon kayong pagkakataon o aktuwal na pangangailangan, kaya ba ninyong linlangin ang inyong mga magulang, kapatid, at pinakamalapit na kaibigan? Kaya ba ninyong linlangin ang inyong mga kapatid sa sambahayan ng Diyos, pagsamantalahan sila, o dayain pa nga ang mga handog ng Diyos? Kung magkakaroon ka ng gayong pagkakataon, at walang sinuman ang makakaalam, magagawa mo ba ito? (Ngayon, parang hindi ko na kayang gawin iyan.) Bakit hindi mo na kayang gawin ito? (Dahil natatakot ako sa Diyos, nagtataglay ako ng may-takot-sa-Diyos na puso, at dahil hindi rin iyon hahayaan ng aking konsensiya.) Ang saloobin mo ay na nakakaramdam ka ng takot sa puso mo at nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi iyon hahayaan ng iyong konsensiya. Pabayaan nating magsalita ang ibang tao. Mayroon ba kayong saloobin tungkol dito? Kung wala, kung hindi mo kailanman isinaalang-alang ang isyu na ito at wala kang nararamdamang kahit ano kapag nakikita mong ginagawa ito ng iba, kung gayon ay nanganganib ka. Kung nakikita mo ang isang tao na gumagawa ng gayong mga bagay at wala kang nararamdamang poot, wala kang saloobin ukol dito, at manhid ang pakiramdam mo, ibig sabihin ay wala kang ipinagkaiba sa kanila at maaaring kumikilos ka rin nang ganoon. Gayunpaman, kung malinaw ang saloobin mo ukol dito, kung kaya mong kamuhian at sawayin ang mga gayong tao, maaring hindi mo gagawin ang mga gayong pagkilos. Kung gayon, ano ang saloobin ninyo? (Kailangan kong magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang mga handog sa Diyos ay itinatangi bilang banal at ganap na hindi maaaring pakialaman o kunin para personal na gamitin.) Ang mga handog ay hindi dapat kunin para personal na gamitin: Ginagawa ito dahil sa takot na maparusahan. Ngunit paano naman sa ibang usapin? Kung sangkot ka sa isang pyramid scheme, kaya mo bang pagkakitaan ang iyong pinakamalalapit na kaibigan, linlangin sila gamit ang matatamis na salita, at hikayatin silang sumali, makikinabang at kikita ng pera mula rito? Kaya mo ba itong gawin sa iyong pinakamalalapit na kaibigan, kamag-anak, maging sa iyong mga magulang o mga kapatid? Kung nahihirapan kang sumagot, kung gayon, kapag sinabi mong hindi mo kukunin ang mga handog ng Diyos para personal na gamitin, hindi ba’t maaaring hindi mo ito magawa? Pabayaan nating may magsalitang iba. (Sa isang aspekto, dapat nating maunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa usaping ito. Hindi kailanman dapat galawin ang mga handog ng Diyos. Sa isa pang aspekto, nararamdaman natin na ang paggawa ng ganito ay walang pagkatao. Kahit papaano, ang pinakamababang pamantayan na dapat mayroon ang isang tao ay na dapat pinahihintulutan ito ng kanilang konsensiya.) Ang saloobin ninyo ay na ang paggawa ng mga ganitong bagay ay kawalan ng pagkatao at na dapat kumilos ang isang tao nang naaayon sa kanyang konsensiya. May iba pa bang nais magsalita? (Sa tingin ko, bilang isang tao, kahit hindi ka nananalig sa Diyos, kung ikaw ay isang tao sa mundo na may konsensiya at moral na pundasyon, hindi kadapat gumawa ng mga bagay na magpapahamak sa iyongsariling pamilya. Ngayong nananalig tayo sa Diyos at nakakaunawa sa ilang katotohanan, kung nakagagawa pa rin ang sinuman ng mga bagay na nagpapahamak sa kanyang mga kapatid at kaibigan, o nandaraya sa mga handog ng Diyos, ang gayong tao ay mas masahol pa kaysa sa isang taong walang pananampalataya. Dagdag pa rito, minsan, maaaring magbunyag ang mga tao ng ilang kaisipan at ideya, ngunit kapag naiisip nila ang tungkol sa disposisyong diwa ng Diyos, at napagtatanto nila na kahit walang nanonood sa paligid, o kahit walang nakakaalam sa mga pagkilos na ito, sinusuri pa rin ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi sila nangangahas na gawin ang mga ganitong bagay—magkakaroon sila ng may-takot-sa-Diyos na puso.) Sa isang aspekto, ang pagkilos ng ganito ay nagpapakita na ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso; sa isa pang aspekto, ang mga taong kayang gawin ang mga bagay na ito ay walang kahit pinakabatayang pagkatao. Ito ay dahil bilang isang tao, kahit hindi ka nananalig sa Diyos, hindi ka dapat gumawa ng mga gayong pagkilos. Ito ay isang katangian na dapat taglayin ng isang taong may konsensiya at pagkatao. Ang pandaraya, pagdudulot ng pinsala, at pagnanakaw ay likas na mga bagay na hindi dapat gawin ng isang mabuti at normal na tao. Maging ang mga taong hindi nananalig sa Diyos ay mayroon pa ring mga hangganan sa kung paano sila umasal, lalo na ikaw na isang nananalig sa Diyos at nakarinig na ng napakaraming sermon: Kung kaya mo pa ring gawin ang mga bagay na ito, wala ka nang pag-asang magbago. Ito ay isang taong walang pagkatao—isang diyablo. Napakinggan mo na ang napakaraming sermon, subalit nakagagawa ka pa rin ng iba’t ibang masamang gawa kaugnay sa pandaraya at panggagantso—ito ang ibig sabihin ng pagiging hindi mananampalataya. Ano nga ba ang hindi mananampalataya? Ito ay isang taong hindi nananalig sa pagmamasid ng Diyos o na ang Diyos ay matuwid. Kung hindi ka nananalig sa pagmamasid ng Diyos, hindi ba’t nangangahulugan iyon na hindi ka rin naniniwala sa Kanyang pag-iral? Sinasabi mo na, “Ang Diyos ay nagmamasid sa akin, pero nasaan ang Diyos? Bakit hindi ko Siya nakikita? Bakit hindi ko Siya nararamdaman? Napakaraming taon ko nang dinadaya at ginagantso ang mga tao; bakit hindi pa ako napaparusahan? Namumuhay pa rin ako nang mas komportable kaysa sa iba.” Ito ay isang aspekto ng pag-uugali ng isang hindi mananampalataya. Ang isa pang aspekto ay na gaano man karaming katotohanan ang napagbahaginan, tinatanggihan nila ang bawat parte nito. Hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, kung gayon, ano ang tinatanggap nila? Tumatanggap sila ng mga kaisipan at pananaw na kapaki-pakinabang sa kanila. Ang anumang kapaki-pakinabang sa kanila at pumoprotekta sa kanilang mga interes, iyon ang ginagawa nila. Naniniwala lamang sila sa agarang pansariling interes, hindi sa pagmamasid ng Diyos, o sa konsepto ng pagpaparusa. Ito ang ibig sabihin ng pagiging hindi mananampalataya. Ano nga ba ang silbi ng pananalig sa Diyos para sa hindi mananampalataya? Ang mga hindi mananampalataya sa sambahayan ng Diyos ay inilalarawan sa isang bagay: Paggawa ng kasamaan. Subalit huwag na nating talakayin ang sukdulang katapusan ng mga taong ito; balikan natin ang paksang pinagbabahaginan natin.

Ang iba’t ibang kaisipang ikinondisyon at ikinintal sa mga tao ng kanilang mga pamilya ay hindi naglalayong dalhin sila sa harap ng Diyos, at hindi rin ito nagkikintal ng mga positibong kaisipan sa kanila. Sa halip, nagkikintal ang mga ito ng iba’t ibang negatibong kaisipan, diskarte, prinsipyo, at pamamaraan ng pag-asal, at sa huli ay inaakay nito ang mga tao sa isang landas na walang balikan. Sa madaling salita, ang iba’t ibang kaisipan na ikinikintal ng mga pamilya sa mga tao ay hindi man lang tumutugon sa mga pangunahing pamantayan ng pagkatao, katwiran, at konsensiya na dapat taglayin ng isang tao. Kung ang isang tao ay may katiting man lang na konsensiya at katwiran, ito ay ang maliliit lang na bahaging natitira at na hindi pa nagawang tiwali o nagupo ni Satanas. Ang natitirang iba’t ibang diskarte at pamamaraan nila sa pag-asal ay nagmumula sa kanilang pamilya, at maging sa lipunan. Kaya, bago mailigtas ang isang tao, ang anumang kaisipan o pananaw na ikinokondisyon sa kanya ng kanyang pamilya, kahit ano man ito, ay sumasalungat sa itinuturo ng Diyos sa mga tao. Hindi nito maipapaunawa sa kanya ang katotohanan, at hindi siya nito maaakay sa landas ng kaligtasan; aakayin lamang siya nito sa landas ng pagkawasak. Kaya, kapag ang isang tao ay pumapasok sa sambahayan ng Diyos, anuman ang edad niya, anong uri man ng edukasyon ang natanggap niya, ano man ang kanyang pinanggalingang pamilya, at gaano man karangal ang tingin niya sa kanyang katayuan, dapat siyang mag-umpisa sa pinakasimula para matuto siya kung paano umasal, paano makipag-ugnayan sa iba, paano pangasiwaan ang iba’t ibang usapin, at paano harapin ang iba’t ibang tao at bagay. Ang prosesong ito ng pagkatuto ay kinapapalooban ng pagtanggap at pag-unawa sa iba’t ibang positibo at nakaayon sa katotohanan na kaisipan at pananaw mula sa Diyos, pati na rin ng mga prinsipyo ng pagsasagawa at pangangasiwa ng iba’t ibang usapin. Ito ay batay lamang sa iyong pagtanggap sa katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, mananatiling hindi nagbabago ang iyong mga dating kaisipan at pananaw. Dahil hindi mo tinatanggap ang mga positibo at wastong kaisipan at pananaw na mula sa Diyos, mananatiling luma at hindi nagbabago ang iyong mga prinsipyo, diskarte, at pamamaraan ng pagharap sa mundo. Nagsisimulang matuto ang mga tao kung paano maging isang tunay na tao, isang normal na tao, isang taong may katwiran at konsensiya kapag sinisimulan nilang tanggapin ang mga positibong kaisipan at pananaw, ang katotohanan, at ang mga turo ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Sampu, dalawampu, o tatlumpung taon na akong nanalig sa Diyos, pero wala pa akong natatanggap na kahit isang kaisipan o pananaw mula sa Diyos, o kahit anumang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos.” Sapat na ito para ipakita na hindi tapat ang iyong pananalig sa Diyos, na hindi mo pa rin alam kung ano ang katotohanan, at na hindi mo pa natututunan kung paano umasal. Kung sinasabi mong, “Mula sa sandaling nanalig ako sa Diyos ay pormal kong sinimulang tanggapin ang mga turo ng Diyos tungkol sa iba’t ibang hinihingi sa mga tao at ang mga kaisipan, pananaw, prinsipyo, at kasabihang dapat taglayin ng mga tao,” kung gayon, natututo ka na kung paano maging isang tunay na tao simula sa araw na manalig ka sa Diyos, at simula sa oras na matuto ka kung paano maging isang tunay na tao, sinimulan mo nang tahakin ang landas ng kaligtasan. Sa sandaling simulan mong tanggapin ang mga kaisipan at pananaw na nagmumula sa Diyos, doon ka nagsimulang tumahak sa landas ng kaligtasan, hindi ba? (Oo, ganoon na nga.) Kung gayon, nakapagsimula na ba kayo? Nagsimula na ba kayo, hindi pa ba kayo nakakapagsimula, o matagal na ba kayong nagsimula? (Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsusuri ng Diyos sa nakalipas na dalawang taon tungkol sa mga maling kaisipan at pananaw na umiiral sa mga tao, kasama na ang pagkokondisyon ng pamilya, atbp., nagsimula na akong magnilay-nilay sa aking sarili at unti-unti ko nang itinatakwil ang mga satanikong pilosopiyang pinanghahawakan ko, at pinag-iisipan ko na kung paano ko dapat pagsikapan ang mga salita ng Diyos. Hindi ko gaanong binigyang-pansin noon ang ganoon kalalim na pagsisiyasat sa sarili.) Lubos na makatotohanan ang pahayag na ito. Dalawang taon pa lamang ang nakalilipas nang magsimula ka; mahirap tukuyin ang mismong taon o araw, subalit anupaman, ito ay sa nakaraang isa o dalawang taon. Ito ay medyo obhetibo. Paano naman ang iba? (Hindi ko talaga napag-isipan kung paano pagsikapang baguhin ang mga kaisipan at pananaw na ikinondisyon ng aking pamilya. Kamakailan lang, pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos ukol dito, medyo unti-unti nang nagbabago ang aking mga kaisipan, ngunit hindi ko pa partikular na napagtuunan ang paghahangad na baguhin ang aspektong ito.) Mas naging matalas na ang iyong kamalayan. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kung patuloy kang maghahanap at papasok nang mas malalim, kung magagawa mong maging mas metikuloso at mahigpit sa mga partikular na bagay, kung papasukin mo ito nang mas tumpak, magkakaroon ka ng pag-asang magbago. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Kung may pag-asa kang iwaksi ang mga lumang kaisipan at pananaw, magawa mong tingnan ang mga tao at bagay, umasal, at kumilos mula sa tamang posisyon at nang may tamang pananaw, sa ganitong paraan ay makakamit mo ang kaligtasan. Sa huli, makakamtan mo ang kaligtasan, ngunit sa mas praktikal na pananaw ngayon, maaari kang maging angkop na tuparin ang iyong tungkulin, at lalong angkop na maging isang lider at manggagawa; ngunit nakasalalay ito sa kung ikaw ba mismo ay handang magsikap para sa bawat parte ng katotohanan, at kung handa ka bang magsikap at magbayad ng halaga para sa mga positibong bagay at iba’t ibang usaping may kaugnayan sa mga prinsipyo. Kung gusto mo lamang baguhin ang iyong sarili sa iyong kamalayan subalit hindi ka nagsisikap at hindi ka seryoso sa mga katotohanan sa iyong pang-araw-araw na buhay, kung wala kang pusong nauuhaw sa mga positibong bagay, kung gayon, mabilis na kukupas at maglalaho ang kamalayang ito. Ang bawat kaisipan at pananaw na may kinalaman sa bawat paksang ibinabahagi Ko ay hindi maihihiwalay mula sa tunay na buhay ng mga tao. Hindi ito isang uri ng teorya o sawikain; ito ay tungkol sa kung ano ang iyong mga kaisipan at pananaw sa pagharap sa mga bagay-bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ang iyong mga kaisipan at pananaw ang nagtatakdasa kung saang direksiyon ka patungo kapag kumikilos ka. Kung ang iyong mga kaisipan at pananaw ay positibo, malamang na magiging positibo ang iyong mga pamamaraan at prinsipyo sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay, at ang resulta ng pangangasiwa sa mga gayong bagay ay magiging medyo mabuti at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Subalit kung ang iyong mga kaisipan at pananaw ay salungat sa katotohanan at sa mga positibong bagay, o kumokontra sa mga bagay na ito, magiging negatibo ang motibasyon mo sa pangangasiwa sa isang bagay, at ang panghuling resulta ng pangangasiwa sa usaping iyon ay tiyak na hindi magiging maganda. Gaano man kalaking halaga ang ibinabayad mo o gaano mo man pinag-iisipan ang pangangasiwa sa bagay na ito, anuman ang iyong mga layunin, paano titingnan ng Diyos ang resulta? Paano ilalarawan ng Diyos ang bagay na ito? Kung ilalarawan ito ng Diyos bilang nakagagambala, nagsasanhi ng kaguluhan, nakasisira, o nagdudulot ng kawalan sa sambahayan ng Diyos, ang mga kilos mo ay masama. Kung hindi gaanong seryoso ang iyong masasamang gawa, maaaring humantong ito sa pagkastigo, paghatol, pagsaway, at pagpungos, samantalang ang mas malulubhang masamang gawa ay maaaring magresulta sa kaparusahan. Kung mabibigo kang kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo at sa halip ay kikiling ka sa mga maling kaisipan at pananaw ng mga walang pananampalataya, at ibabatay mo ang iyong mga kilos sa mga bagay na ito, kung gayon, mawawalan ng saysay ang mga pagsusumikap mo. Kahit pa nagbayad ka ng malaking halaga at namuhunan ng labis na pagsisikap, mawawalan pa rin ito ng saysay sa kahuli-hulihan. Paano tinitingnan ng Diyos ang bagay na ito? Paano Niya ito inilalarawan? Paano Niya ito hinaharap? Sa pinakamababang batayan, ang iyong mga gawa ay hindi mabuti, ang mga ito ay hindi nagbibigay ng patotoo sa Diyos o nagdadala ng kaluwalhatian sa Kanya, at ang halagang ibinayad mo at ang iginugol mong pag-iisip ay hindi maaalala; ang lahat ng ito ay walang saysay. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Bago ka gumawa ng anuman, maglaan ka ng oras para mag-isip nang mabuti, higit kang makipagbahaginan sa iba, maghanap ka ng kalinawan sa mga prinsipyo bago ka kumilos, at huwag kang kikilos nang mainit ang ulo o pabigla-bigla, nang inuudyukan ng iyong pagkamakasarili at mga pagnanais. Anuman ang kalalabasan, sa huli ay kakailanganin mo itong pasanin nang mag-isa, at anuman ang resulta, magkakaroon ng hatol mula sa Diyos. Kung inaasam mong hindi mawalan ng saysay ang mga kilos mo, na tatandaan ang mga ito ng Diyos, o ang mas mainam pa, na maging mabubuting gawa ang mga ito na ikalulugod ng Diyos, dapat ay mas madalas mong hanapin ang mga prinsipyo. Kung wala kang pakialam sa mga bagay na ito, kung hindi mahalaga sa iyo kung mabuti ba o ikinalulugod ba ng Diyos ang iyong mga gawa, at kung wala ka man lang pakialam kung mapaparusahan ka ba, kundi iniisip mong, “Hindi ito mahalaga, tutal, hindi ko naman ito makikita o mararamdaman ngayon,” kung mayroon kang mga ganitong kaisipan at pananaw, kung gayon, kapag kumilos ka ay hindi ka magkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Magiging matapang ka, walang kontrol, at hindi maingat, walang pakialam o pagpipigil sa anumang bagay. Kung wala kang may-takot-sa-Diyos na puso, malamang na lilihis ang direksiyong tinatahak mo sa iyong pagkilos. Ayon sa likas na katangian at mga likas na gawi ng tao, ang panghuling resulta ay malamang na bukod sa hindi ikalulugod at tatandaan ng Diyos ang iyong mga kilos, ay magiging mga pagkagambala, kaguluhan, at masasamang gawa pa ang mga ito. Kaya, napakalinaw kung ano ang iyong kahihinatnan sa huli, at kung paano ito tatratuhin at pangangasiwaan ng Diyos. Samakatuwid, bago ka gumawa ng anumang bagay, bago mo pangasiwaan ang anumang usapin, dapat mo munang pagnilayan kung ano ang gusto mo, isaalang-alang nang maigi kung ano ang magiging panghuling resulta ng usaping ito, at saka ka lang magpatuloy. Kung gayon, ano ang napapaloob sa isyung ito? Napapaloob dito ang iyong saloobin at ang mga prinsipyong sinusunod mo kapag gumagawa ka ng anumang bagay. Ang pinakamabuting saloobin ay ang hanapin nang mas madalas ang mga prinsipyo at huwag ibatay ang iyong panghuhusga sa iyong mga sariling pandama, kagustuhan, layunin, pagnanais, o agarang interes; sa halip, dapat mong hangarin ang mga prinsipyo, mas madalas na magdasal at maghanap sa harap ng Diyos, mas madalas na ikonsulta sa mga kapatid ang mga usapin, at makipagbahaginan at lapitan ang mga kapatid na kasama mo sa paggawa para magawa ang mga tungkulin mo. Unawain mo nang tama ang mga prinsipyo bago ka kumilos; huwag kang kumilos nang pabigla-bigla, huwag kang malito. Bakit ka nananalig sa Diyos? Hindi mo ito ginagawa para makakuha ng pagkain, magpalipas ng oras, makisabay sa uso, o matugunan ang iyong mga espirituwal na pangangailangan. Ginagawa mo ito upang maligtas. Kung gayon, paano ka maliligtas? Kapag gumagawa ka ng anumang bagay, dapat ay konektado ito sa kaligtasan, sa mga hinihingi ng Diyos, at sa katotohanan, hindi ba?

Tungkol sa paksa ng pagbitiw sa pagkokondisyon ng pamilya ng isang tao, nakapaloob sa pagbabahaginan natin noong huli ang mga panuntunan at iba’t ibang kaisipan at pananaw kaugnay sa sariling pag-asal, na mga kaisipang ikinondisyon sa mga tao ng kanilang mga pamilya. Gayunpaman, bukod sa pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng pagtuturo at impluwensiya ng mga pamilya sa mga tao, mayroong mas higit pang pagkokondisyon maliban dito. Ibig sabihin, ang pagkokondisyon ng pamilya ay hindi lamang tungkol sa pagkokondisyon ng mga kaisipan. Bukod pa sa ating napag-usapan, kasama rin dito ang mga tradisyonal, mapamahiin, at relihiyosong pagkokondisyon, na siyang susunod na pagbabahaginan natin. Ang mga usaping ito ay kinapapalooban ng mga pamumuhay, kaugalian, gawi, at ng mga pang-araw-araw na detalye ng buhay. Tungkol sa pagkokondisyon ng pamilya sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, tatalakayin natin ngayon ang tradisyon. Ano ang ilang halimbawa ng tradisyon? Halimbawa, maaaring kumapit ang isang pamilya sa mga partikular na bagay, kasabihan, o mga ipinagbabawal na may kaugnayan sa mga detalye ng pang-araw-araw na buhay. Kasama ba rito ang tradisyon? (Oo.) Ang tradisyon ay medyo konektado at nauugnay sa pamahiin, kaya tatalakayin nating pareho ang mga ito. Ang ilang aspekto ng tradisyon ay maaaring ituring na pamahiin, at mayroong mga bagay sa loob ng pamahiin na hindi gaanong tradisyonal at mga gawi lamang o mga paraan ng pamumuhay na nabibilang sa mga indibidwal na pamilya o pangkat etniko. Magsimula tayo sa pamamagitan ng pagtuklas kung ano ang kasama sa mga tradisyon at pamahiin. Pamilyar na kayo sa maraming tradisyon at pamahiin dahil maraming aspekto ng inyong pang-araw-araw na buhay ang may kinalaman sa mga ito. Sige, ilista mo ang ilan. (Panghuhula ng kapalaran, pagbabasa ng palad, at palabunutan.) Ang palabunutan, panghuhula ng kapalaran, pagsasabi ng hinaharap, pagbabasa ng palad, pagbabasa ng mukha, pagsasabi ng kapalaran sa pamamagitan ng oras ng kapanganakan, at pagdaraos ng pakikipag-usap sa mga espiritu—ang mga bagay na ito ay hindi tinatawag na pamahiin; ang lahat ng ito ay binubuo ng mga aktibidad na may kinalaman sa pamahiin. Ang pamahiin ay tumutukoy sa mga partikular na paliwanag na umiiral sa loob ng mga aktibidad na ito. Halimbawa, ang pagtingin sa kalendaryo bago umalis ng bahay para malaman kung anong mga aktibidad ang swerte o malas para sa araw na ito, kung lahat ng gawain ay malas, kung ang paglipat, pag-aasawa, at pag-aayos ng libing ay lahat malas, o kung ang lahat ng aktibidad ay swerte ngayong araw—iyan ay pamahiin. Naintindihan mo ba? (Oo, naiintindihan ko.) Maglista ng ilan pang halimbawa. (Ang paniniwalang ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna.) “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna”—ano ito? (Isang pamahiin.) Ito ay isang pamahiin. Lahat ng binanggit Ko kanina, tulad ng pagsasabi ng hinaharap, palabunutan, pagbabasa ng palad, at iba pa, ay itinuturing na mga mapamahiing aktibidad. “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna” ay isang partikular na kasabihan na nauugnay sa isang mapamahiing aktibidad. Ito ay isang pamahiin. Saan nagmumula ang mga kasabihang ito? Karaniwang nagmumula ang lahat ng mga ito sa mga naunang henerasyon. Ang ilan ay ipinamamana ng mga magulang, ang iba naman ay mula sa mga lolo at lola, sa mga kanuno-nunuan, at iba pa. May iba pa bang katanungan? (Diyos, kasali ba ang mga kaugalian sa pagdiriwang?) Oo, kasali rin ang mga kaugalian sa pagdiriwang: Ang ilan ay nabibilang sa tradisyon, habang ang iba naman ay parehong kasabihan ng tradisyon at pamahiin. Mula sa timog hanggang sa hilaga ng China, at mula sa Silangan hanggang Kanluran, maraming kaugalian ng pagdiriwang. Tingnan natin ang isang partikular na kaugalian ng pagdiriwang, halimbawa sa timog na bahagi ng China: Madalas na kumakain ng rice cake ang mga tao tuwing Chinese New Year. Ano ang sinisimbolo nito? Ano ang layunin sa likod ng pagkain ng mga tao ng rice cake? (Naniniwala sila na ang pagkain ng rice cake ay magdadala sa kanila ng promosyon taon-taon.) Ang layunin ng pagkain ng mga rice cake ay para tiyakin ang promosyon taon-taon. Ang salitang “promosyon” dito ay katunog ng Chinese na salita para sa “cake.” Kaya, ang layunin ng pagkain ng rice cake ay para tiyakin na mapo-promote ka taon-taon. Ngayon, nagkaroon ba ni minsan ng isang taon na hindi ka kumain ng rice cake at hindi ka napromote? Mayroon bang sinuman na taon-taong napo-promote dahil kumakain siya ng rice cake taon-taon? Talaga bang “mapo-promote” ka? Alam ng mga tao na hindi talaga ito nangangahulugan na makapagbibigay ng promosyon, pero kahit hindi, kahit papaano ay hindi sila mabibigo dahil dito. Kaya, dapat nilang kainin ang mga ito. Ang pagkain sa mga ito ay nagpapapanatag ng kanilang loob, samantalang ang hindi pagkain sa mga ito ay nagpapabalisa sa kanila. Ito ay pamahiin at tradisyon. Sa madaling salita, ang mga kagawian at tradisyong ito mula sa iyong pamilya ay nagkaroon ng impluwensiya sa iyo, at hindi namamalayang sinang-ayunan at tinanggap mo ang mga tradisyon at kagawiang ito sa isang partikular na antas; kaya, sinang-ayunan at tinanggap mo rin ang mga pamahiin o mga kaisipan at pananaw na itinataguyod ng mga tradisyong ito. Kapag namumuhay ka na nang mag-isa, maaaring ipagpapatuloy mo ang mga tradisyon at kagawiang ito. Hindi ito maitatanggi. Ngayon, talakayin natin ang ilang kasabihang nauugnay sa mga tradisyon. Madalas na nakikibahagi ang ibang tao sa mga ganitong bagay: Kung ang isang tao ay naglalakbay nang malayo, naghahanda sila ng dumpling para makain nito, at sa tuwing umuuwi ang manlalakbay, naghahanda sila ng pansit. Hindi ba’t isa itong tradisyon? (Oo.) Ito ay isang tradisyon, at isa itong di-nasusulat na kaugalian. Huwag muna nating talakayin ang layunin sa paggawa nito. Una, suriin natin ang tumpak na pahayag sa ganitong pagkilos. (“Dumpling para sa palabas ng pintuan, pansit para sa papasok ng pintuan.” O maaari mo ring sabihin na, “Dumpling kapag paalis, pansit kapag pauwi.”) Ano ang ibig sabihin ng “Dumpling kapag paalis, pansit kapag pauwi”? Ibig sabihin, kung paalis ang isang tao ngayon, dapat mo siyang bigyan ng dumpling na makakain; ano ang kabuluhan nito? Ang dumpling ay nababalot sa isang wrapper, at ang salitang “wrap” ay katunog ng Chinese na salita para sa “proteksiyon.” Kaya, nangangahulugan ito ng proteksiyonsa kanyang buhay, para tiyaking hindi siya maaaksidente sa kaniyang pag-alis, na hindi siya mamamatay habang nasa malayo, at na siguradong babalik siya. Nagpapahiwatig ito ng ligtas na pag-alis. Ang “Dumpling kapag paalis, pansit kapag pauwi” ay nangangahulugang ligtas na siyang uuwi at magiging maayos ang takbo ng lahat ng bagay para sa kanya—ito ang humigit-kumulang na kabuluhan nito. Sa pangkalahatan, sinusunod ng ilang pamilya ang tradisyong ito. Kung ang isang miyembro ng pamilya ay paalis, gumagawa sila ng dumpling para sa kanya, at sa pagbalik niya, naghahain sila ng pansit para sa kanya. Hindi mahalaga kung ikaw ang kumakain o ang naghahanda ng mga pagkaing ito; ito ay ginagawa para magdala ng swerte, kapwa para sa kasalukuyan at hinaharap, para sa kapakanan ng lahat. Sumasang-ayon ba kayo na positibong bagay ang tradisyong ito at isang bagay na kailangang gawin at ipagpatuloy ng mga tao sa kanilang buhay? (Hindi ako sumasang-ayon.) Ang ilang kapatid ay kinakailangang umalis, at ang taong namamahala sa pagkain ay gumagawa ng dumpling para sa kanila, kung saan sinasabi Ko na, “Ano ba ang kinalaman ng kanilang pag-alis sa paggawa ng dumpling?” At sinasabi nila, “Kapag may umaalis, kailangan naming gumawa ng dumpling.” Ang sagot Ko naman ay, “Gumagawa kayo ng dumpling kapag paalis sila; kung gayon, paano naman kung sila ay pauwi?” Sinasabi nila, “Kailangan nilang kumain ng pansit sa pag-uwi nila.” Sabi Ko, “Ito ang unang beses na narinig Ko ito. Saan galing ang tradisyong ito?” Ang sabi nila, “Ganito sa pinanggalingan ko. Kapag may umalis, gumagawa kami ng dumpling para sa kanya, at pag-uwi niya, naghahain kami ng pansit.” Pagkatapos nito, ano ang impresyong iniwan nito sa puso Ko? Naisip Ko: Nananalig sa Diyos ang mga taong ito, ngunit hindi nila binabatay ang kanilang mga kilos sa mga salita ng Diyos. Sa halip, umaasa sila sa tradisyon at sa kung ano ang ipinamana ng kanilang mga ninuno. Naniniwala sila na ang buhay ng isang tao ay kayang protektahan ng isang pambalot ng dumpling, na kung may mangyayari sa isang tao, wala ito sa mga kamay ng Diyos; ito ay nasa mga kamay ng tao. Naniniwala silang sa pamamagitan ng pagbalot ng dumpling, magiging ligtas ang taong aalis, at kung hindi nila babalutin ang dumpling na iyon, hindi magiging ligtas ang taong iyon at maaaring mamatay siya sa kanyang paglalakbay at hinding-hindi na makakauwi. Sa kanilang mga kaisipan at pananaw, ang buhay ng isang tao ay katulad ng palaman sa loob ng dumpling, na may parehong halaga sa palaman na iyon. Ang buhay nila ay wala sa mga kamay ng Diyos, at hindi nagagawang kontrolin ng Diyos ang tadhana ng taong iyon. Sa paggamit lang ng wrapper ng dumpling nila makokontrol ang kapalaran ng isang tao. Anong klaseng tao sila? (Hindi mananampalataya.) Sila ay mga hindi mananampalataya. Maraming gayong tao sa iglesia. Hindi nila ito itinuturing na pamahiin. Itinuturing nila ito bilang parte ng kanilang mga nakagawian, isang bagay na likas nilang pinaninindigan bilang isang positibong bagay. Ginagawa nila ito nang hayagan at kumikilos sila na parang sila ay makatwiran at may batayan para gawin ito. Hindi mo sila mapipigilan: Kung pipigilan mo sila sa paggawa nito, nababagabag sila at sinasabing, “Ako ang nagluluto. May isang paalis ngayong araw: Kung hindi ko siya gagawan ng dumpling, sino ang mananagot kung sakaling mamatay siya? Hindi ba’t kasalanan ko iyon?” Naniniwala sila na ang mga tradisyon ng kanilang mga ninuno ang pinakamaaasahan: “Kung hindi mo susundin ang tradisyon at lalabag ka sa ipinagbabawal na ito, nasa panganib ang buhay mo, at maaaring mamatay ka dahil dito.” Hindi ba’t ito ang pananaw ng hindi mananampalataya? (Oo, ito nga.) Sa mga ganitong kaisipan at pananaw na malalim na nakaugat sa puso ng mga tao, kaya pa rin ba nilang tanggapin ang katotohanan? (Hindi, hindi nila kaya.) Sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, sinasabi mo na nananampalataya ka sa Diyos bilang ang katotohanan, pero nasaan ang patunay? Sinasabi mo sa pamamagitan ng iyong bibig na, “Nananalig ako na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan, at ang tadhana ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos.” Gayunpaman, kapag may isang taong paalis, nagmamadali kang gumawa ng dumpling para sa kanya, at kahit na wala kang oras para bumili ng karne, kinakailangan mo pa ring gumawa ng dumpling na may palaman na gulay—hindi maaaring hindi ka makagawa nito. Ang mga pagkilos at pag-uugali bang ito ay nagpapatotoo sa Diyos? Ang mga ito ba ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos? (Hindi.) Malinaw na hindi. Ang mga ito ay mapanghamak sa Diyos at sa Kanyang pangalan. Tanggapin mo man o hindi ang katotohanan ay isang maliit na isyu. Ang pangunahing punto ay na sinasabi mong nananalig ka sa Diyos at sinusunod mo Siya, pero sumusunod ka pa rin sa mga tradisyong ikinintal sa iyo ni Satanas. Sa mga maliit na usaping ito sa iyong pang-araw-araw na buhay, mahigpit mong sinusunod ang mga kaisipan at gawing ikinintal sa iyo ng iyong mga ninuno, at walang makakapagpabago sa mga ito. Ito ba ang saloobin ng isang taong tumatanggap sa katotohanan? Ito ay mapanghamak sa Diyos; ito ay pagkakanulo sa Diyos. Sino ang iyong mga ninuno? Saan nagmula ang kanilang mga tradisyon? Sino ang kinakatawan ng mga tradisyong ito? Kinakatawan ba ng mga ito ang katotohanan? Kinakatawan ba ng mga ito ang mga positibong bagay? Sino ang nag-imbento ng mga tradisyong ito? Ang Diyos ba? Tinutustusan ng Diyos ang mga tao ng katotohanan hindi para ibalik ang mga tradisyon, kundi para wakasan ang lahat ng tradisyon. Ngunit bukod sa tumatanggi kang talikuran ang mga ito, itinuturing mo rin ang mga ito bilang ang katotohanan at isang positibong bagay na dapat itaguyod. Hindi ba’t isa itong paghiling ng kamatayan? Hindi ba’t ito ay hayagang pagkontra sa katotohanan at sa Diyos? (Oo, ganoon na nga.) Ito ay hayagang pagtutol at pagkontra sa Diyos. Maaaring sinasabi ng ilang tao na, “Paano kung hindi ako gagawa ng dumpling o pansit para sa aking mga kapatid, pero gagawa ako para sa sarili kong pamilya? Kapag paalis ang aking mga kapamilya, gagawa ako ng dumpling para sa kanila, at kapag pauwi na sila, magluluto ako ng pansit para sa kanila. Ayos lang ba iyon?” Sa tingin ba ninyo ayos lang iyon? Paano kung sasabihin ninyo ito: “Kung mayroon akong lilinlangin, hindi mangyayaring ang mga kapatid ko ito, kundi sarili kong kapamilya. Ayos lang ba iyon?” Magiging ayos lang ba iyon? (Hindi.) Hindi mahalaga kung sino ang lilinlangin mo; ang mahalaga ay kung ano ang isinasabuhay mo at ibinubunyag mo tungkol sa iyong sarili, at ang mahalaga ay kung anong mga pananaw ang itinataguyod mo. Hindi mahalaga kung sino ang nililinlang mo; ang mahalaga ay kung ano ang iyong mga pagkilos at prinsipyo, hindi ba’t tama? (Oo, tama iyan.)

May ilang tao na, sa panahon ng Chinese New Year, ay ginugugol ang kanilang mga araw sa pagsilip sa mga almanac, sinisimulan ang tradisyonal na pagdiriwang mula sa ika-30 araw ng ika-12 buwan ng lunar na kalendaryo, mahigpit na sinusunod ang pamumuhay at mga ipinagbabawal na ipinamana sa pamamagitan ng mga tradisyonal na kaugaliang ito sa kung ano ang kanilang kinakain, ano ang kanilang isinusuot, at ano ang kanilang iniiwasang gawin sa bawat araw. Anuman ang itinuturing na ipinagbabawal sabihin o gawin, tinitiyak nilang iwasang sabihin o gawin ang bagay na iyon, at anuman ang swerteng kainin o sabihin, kakainin at sasabihin din nila ang bagay na iyon. Halimbawa, naniniwala ang ilan na sa Bagong Taon, kinakailangan nilang kumain ng rice cake para siguraduhing magkakaroon sila ng promosyon sa darating na taon. Alang-alang sa promosyon sa darating na taon, sisiguraduhin nilang makakakain ng rice cake, kahit na may mahahalagang bagay silang kailangang asikasuhin, gaano man sila kaabala o kapagod, o kahit na mayroon silang anumang espesyal na sitwasyon ukol sa kanilang pagganap sa tungkulin o kung magkakaroon man sila ng sapat na oras para asikasuhin ito. Kung wala silang oras para gumawa ng rice cake sa bahay, lalabas sila at bibili para lang matiyak ang swerte. At may ilang tao na kinakailangang kumain ng isda sa Bagong Taon, dahil sumisimbolo ito ng kasaganahan taon-taon. Kung hindi sila kakain ng isda sa isang taon, naniniwala silang mahaharap sila sa kahirapan sa susunod na labindalawang buwan. Kung hindi sila makakabili ng isda, maaaring maglagay pa nga sila ng isang kahoy na isda sa hapag-kainan bilang isang simbolo. Kumakain sila ng rice cake at isda para masiguro kapwa ang promosyon at kasaganahan sa darating na taon. Sa isang aspekto, ginagawa nila ito para gawing mas maayos ang takbo ng taong ito, para maging mas maganda at maunlad ang buhay nila, at sa isa pang aspekto, umaasa silang magtagumpay sa kanilang propesyon o kumita ng maraming pera mula sa kanilang negosyo. Dagdag pa rito, sa Bagong Taon, tinitiyak din nilang gumamit ng mga swerteng salita. Halimbawa, iniiwasan nilang banggitin ang mga numerong apat at lima dahil ang “apat” ay katunog ng “kamatayan,” at ang “lima” naman ay katunog ng “wala” kung pakikinggan sa Chinese. Sa halip, mas gusto nilang gamitin ang mga numero tulad ng anim at walo, kung saan ang salitang “anim” ay kumakatawan sa maayos na takbo, at ang “walo” ay kumakatawan sa pagyaman. Hindi lamang mga maswerteng salita ang kanilang ginagamit kundi nagbibigay rin sila ng mga pulang sobre sa kanilang mga empleyado, kapamilya, kamag-anak, at kaibigan. Ang pagbibigay ng mga pulang sobre ay sumisimbolo ng pagyaman, at kung mas maraming pulang sobre ang ibinibigay nila, mas nangangahulugan din ito na magiging maunlad sila. Hindi lamang sila nagbibigay ng mga pulang sobre sa mga tao, kundi pati na rin sa kanilang mga alagang hayop, na sumisimbolo na maaari silang magkamit ng yaman mula sa kahit sino, at ang susunod na taon ay mapupuno ng maunlad na negosyo at malaking kayamanan. Ang lahat ng bagay, mula sa kanilang kinakain hanggang sa kanilang ginagawa, mula sa kanilang sinasabi hanggang sa kung paano sila kumikilos, ay pawang tungkol sa pagpapatuloy ng mga kinagawian at kasabihan na ipinamamana sa pamamagitan ng tradisyon, at isinasagawa nila ang mga ito nang may lubusang katumpakan. Kahit na magbago pa ang kanilang kapaligiran na pinamumuhayan o ang komunidad kung saan sila nakatira, hindi mababago ang mga tradisyonal na kaugalian at pamumuhay na ito. Dahil mayroong partikular na kabuluhan sa loob nila ang mga tradisyong ito, na sumasaklaw sa parehong mga positibong kasabihan at mga ipinagbabawal na ipinamana ng mga ninuno ng mga tao, kinakailangan nilang ipagpatuloy ang mga ito. Kung ang mga tradisyong ito ay nilabag at ang mga ipinagbabawal ay sinira, kung gayon, maaaring hindi magiging maganda ang darating na taon, na hahantong sa mga balakid kahit saan, sa pagbagsak ng negosyo, o pagkalugi. Kaya napakahalaga na itaguyod ang mga tradisyong ito. Mayroong mga tradisyong dapat sundin sa mga masasayang okasyon at mayroong mga tradisyong dapat ding sundin sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao. Halimbawa, ang pagpapagupit—kung titingnan ng isang tao ang kalendaryo at makikita na malas magpagupit o lumabas ng bahay ngayong araw, hindi sila maglalakas-loob na lumabas. Kung hindi nila tiningnan ang kalendaryo at lumabas sila at nagpagupit pa rin, kung gayon, malalabag ang kapwa mga ipinagbabawal na paglabas ng bahay at pagpapagupit, at maaaring maharap sila sa hindi inaasahang kahihinatnan—kaya’t dapat masunod ang mga bagay na ito. Nabibilang ang mga ito sa kapwa tradisyon at pamahiin. Kung kailangan ng isang tao na lumabas, ngunit tiningnan niya ang kalendaryo at nakitang malas ang lahat ng bagay ngayong araw, na ibig sabihin ay araw ngayon ng pahinga, paglibang, pagrelaks, at pag-iwas sa paggawa ng anumang bagay, kung gayon, kahit pa sinabihan sila na kailangan nilang lumabas at magpalaganap ng ebanghelyo ngayong araw, baka mag-alala sila kung ano ang maaaring mangyari sa kanila kung lalabag sila sa ipinagbabawal at magkakaroon ng hindi inaasahang pangyayari sa kanila, tulad ng maaksidente sa sasakyan at manakawan. Hindi sila mangangahas na lumabas, at sinasabi nila na, “Bukas na lang tayo lumabas! Hindi natin pwedeng balewalain ang sinasabi sa atin ng ating mga ninuno. Sinasabi nila na dapat nating palaging tingnan ang kalendaryo bago lumabas. Kung sinasabi ng kalendaryo na malas ang lahat ng bagay, hindi tayo dapat lumabas. Kung talagang lalabas ka at may mangyari, dapat mong harapin nang mag-isa ang mga kahihinatnan. Sino ang nagsabi sa iyo na huwag tingnan ang kalendaryo at sundin ang sinasabi nito?” Nauukol ito sa kapwa tradisyon at pamahiin, hindi ba? (Oo, ganoon na nga.)

Sinasabi ng ilang tao, “Magiging 24 na ang edad ko ngayong taon; ito ang taon ko sa zodiac.” Sinasabi ng iba, “Magiging 36 na ako ngayong taon; ito ang taon ko sa zodiac.” Ano ang kinakailangan mong gawin sa iyong taon sa zodiac? (Magsuot ng pulang damit na panloob at pulang sinturon.) Sino rito ang nagsuot na ng pulang panloob noon? Sino ang nagsuot na ng pulang sinturon? Ano ang pakiramdam ng nakasuot ng pulang panloob at pulang sinturon? Naramdaman mo bang naging maayos ang iyong taon? Naitaboy ba nito ang malas? (Noong taon ko sa zodiac, nagsuot ako ng pulang medyas. Gayunpaman, noong taon na iyon, talagang hindi maganda ang resulta ng aking pagsusulit. Ang pagsusuot ng pula ay hindi naghatid ng swerte gaya ng sabi ng mga tao.) Ang pagsusuot ng mga ito ay naghatid sa iyo ng malas, hindi ba? Mas naging mahusay ka kaya kung hindi ka nagsuot ng pula? (Wala itong naging epekto kung nagsuot man ako ng pula o hindi.) Iyan ay tamang pananaw sa katanungan—wala itong naging epekto. Ito ay kapwa tradisyon at pamahiin. Kasalukuyan mo mang tinatanggap ang ideyang ito ng taon sa zodiac o gusto mo mang ipagpatuloy ang tradisyong ito, ang mga tradisyonal na kaisipan at kasabihang nauugnay rito ay nag-iwan na ng marka sa isipan ng mga tao. Halimbawa, kapag dumating na ang iyong taon sa zodiac, kung makakaranas ka ng mga hindi inaasahang pangyayari o mga espesyal na sitwasyon na nagsasanhing maging mahirap iyong taon at salungat sa iyong mga kagustuhan, hindi mo maiiwasang isipin na, “Talagang naging mahirap ang taon na ito. Kung iisipin mo, ito ang taon ko sa zodiac, at sinasabi ng mga tao na sa iyong taon sa zodiac, kailangan mong mag-ingat dahil mas madaling sirain ang mga ipinagbabawal. Ayon sa tradisyon, dapat akong magsuot ng pula, pero dahil nananalig ako sa Diyos, hindi ko ginawa. Hindi ako naniniwala sa mga kasabihang iyon, pero kapag naiisip ko ang mga pagsubok na kinaharap ko sa taong ito, hindi naging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay. Paano ko maiiwasan ang mga isyung ito? Baka mas magiging maganda ang susunod na taon.” Hindi mo mamamalayang maiuugnay mo ang mga pambihira at hindi magagandang pangyayaring naranasan mo sa taong ito sa mga tradisyonal na kasabihan tungkol sa taon ng zodiac na ikinondisyon sa iyo ng iyong mga ninuno at pamilya. Gagamitin mo ang mga kasabihang ito para patunayan ang mga pambihirang pangyayaring naranasan mo sa taong ito, at sa paggawa nito, isinasantabi mo ang mga katunayan at ang diwa sa likod ng mga ito. Isinasantabi mo rin ang saloobing dapat na mayroon ka sa mga sitwasyong ito at ang mga aral na dapat mong matutunan mula sa mga ito. Likas mong iisiping espesyal ang taon na ito, hindi mo namamalayang iniuugnay mo ang lahat ng pangyayari sa taong ito sa iyong taon sa zodiac. Mararamdaman mo na, “Ang taong ito ay naghatid sa akin ng ilang kamalasan o ang taon na ito ay naghatid sa akin ng ilang pagpapala.” Ang mga ideyang ito ay may tiyak na kaugnayan sa pagkokondisyon na mula sa iyong pamilya. Tama man ang mga ito o hindi, may kinalaman ba sa iyong taon sa zodiac ang mga ito? (Wala itong kinalaman.) Walang kaugnayan ang mga ito. Kung gayon, tama ba ang iyong mga perspektiba at pananaw tungkol sa mga usaping ito? (Hindi.) Bakit hindi tama ang mga ito? Ito ba ay dahil medyo naimpluwensiyahan ka ng mga tradisyonal na kaisipan na ikinintal sa iyo ng iyong pamilya? (Oo.) Ang mga tradisyonal na kaisipang ito ay nangunguna at nagiging laman ng isipan mo. Kung gayon, kapag nahaharap sa mga usaping ito, ang iyong kaagad na reaksiyon ay ang tingnan ang mga ito mula sa perspektiba ng mga tradisyonal na kaisipan at pananaw na ito, habang isinasantabi ang perspektibang nais ng Diyos na mayroon ka o ang mga kaisipan at pananaw na dapat mong taglayin. Ano ang magiging resulta sa huli ng iyong pagtingin sa mga usaping ito? Mararamdaman mong hindi naging maganda ang taon na ito, na naging malas ito at salungat sa iyong mga kagustuhan, at pagkatapos ay gagamitin mo ang pagkakaroon ng depresyon at pagiging negatibo bilang paraan para iwasan, tutulan, labanan, at tanggihan ang mga bagay na ito. Kaya, ang dahilan ba ng pag-usbong sa iyo ng mga emosyon, kaisipan, at pananaw na ito ay nauugnay sa mga tradisyonal na kaisipang ikinintal sa iyo ng iyong pamilya? (Oo.) Sa mga ganitong usapin, ano ang dapat bitiwan ng mga tao? Dapat nilang bitiwan ang perspektiba at paninindigan mula sa kung saan nila sinusukat ang mga ito. Hindi nila dapat tingnan ang mga usaping ito mula sa perspektiba na napagdaanan nila ang mga sitwasyong ito dahil sa ang taon na ito ay malas, hindi maganda, salungat sa kanilang mga kagustuhan o dahil may nilabag silang ipinagbabawal o hindi sila sumunod sa mga tradisyonal na kaugalian. Sa halip, dapat mong isa-isahin ang mga usaping ito, at unang-una sa lahat, kahit papaano ay dapat mong tingnan ang mga ito mula sa perspektiba ng isang nilikha. Sabihin na ang mga bagay na ito, mabuti man o masama, naaayon man o hindi sa iyong mga kagustuhan, kanais-nais man o malas sa mga mata ng tao, ay isinaayos ng Diyos, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nagmumula sa Diyos. Mayroon bang pakinabang sa paggamit ng ganitong uri ng perspektiba at paninindigan sa mga usaping ito? (Oo.) Ano ang unang pakinabang? Kaya mong tanggapin ang mga usaping ito mula sa Diyos, na nangangahulugang sa ilang antas, magagawa mong tanggapin ang mentalidad ng pagpapasakop. Ang pangalawang pakinabang ay na maaari kang matuto ng leksiyon at magkamit ng isang bagay mula sa mga nakakadismayang bagay na ito. Ang pangatlong pakinabang ay na mula sa mga nakakadismayang bagay na ito, maaari mong makilala ang iyong sariling mga kakulangan at kahinaan, pati na rin ang iyong sariling tiwaling disposisyon. Ang pang-apat na pakinabang ay na sa mga nakakadismayang bagay na ito, maaari kang magsisi at magbago, bitiwan ang mga dati mong kaisipan at pananaw, ang dati mong paraan ng pamumuhay, ang iyong iba’t ibang maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at bumalik sa harap ng Diyos, tanggapin ang Kanyang mga pamamatnugot nang may saloobin ng pagpapasakop, kahit na ito ay tumutukoy sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, sa Kanyang pagtutuwid at pagdidisiplina sa iyo, o sa Kanyang kaparusahan. Pumapayag kang magpasakop sa lahat ng ito at hindi mo sisisihin ang Langit at ang ibang tao, o muling iuugnay ang lahat sa pananaw at paninindigan na ikinintal sa iyo ng mga tradisyonal na kaisipan, bagkus ay titingnan mo ang bawat usapin mula sa perspektiba ng isang nilikha. Kapaki-pakinabang ito para sa iyo sa maraming paraan. Hindi ba’t kapaki-pakinabang ang lahat ng ito? (Oo.) Sa kabilang banda, kung titingnan mo ang mga bagay na ito base sa mga tradisyonal na kaisipang ikinintal sa iyo ng iyong pamilya, susubukan mo ang lahat ng posibleng paraan para maiwasan ang mga ito. Ano ang ibig sabihin ng pag-iwas sa mga ito? Nangangahulugan ito ng paghahanap ng iba’t ibang paraan para maiwasan ang mga kasawiang ito, para maiwasan ang mga nakakadismaya, hindi kanais-nais, at malas na mga bagay. Sinasabi ng isang tao na, “Ito ang mga munting demonyong gumugulo sa iyo. Kung magsusuot ka ng pulang damit, maiiwasan mo sila. Ang pagsusuot ng pulang damit ay katulad ng pagbibigay sa iyo ng anting-anting sa Budismo. Ang anting-anting ay isang pirasong dilaw na papel na may ilang pulang letrang nakasulat dito. Pwede mo itong idikit sa iyong noo, itahi sa iyong mga damit, o ilagay sa ilalim ng iyong unan, at makakatulong ito sa iyo na makaiwas sa mga bagay na ito.” Kapag walang positibong landas ng pagsasagawa ang mga tao, ang tangi nilang takbuhan ay ang humingi ng tulong mula sa mga baluktot at masasamang landas na ito, dahil walang gustong maging malas o maharap sa anumang kasawian. Lahat ng tao ay gustong maging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay. Ito ay isang likas na reaksiyon sa parte ng tiwaling sangkatauhan kapag nahaharap sa mga makamundong bagay. Gusto mong iwasan ang mga bagay na ito o gumamit ng iba’t ibang paraan ng tao para malutas ang mga ito dahil wala kang tamang landas para tugunan ang mga ito o ng mga tamang kaisipan at pananaw para harapin ang mga ito. Maaari mo lang tingnan ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng isang taong walang pananampalataya, kaya’t ang una mong reaksiyon ay ang iwasan ang mga ito, ayaw mong makaharap ang mga bagay na ito. Sinasabi mo na, “Bakit masyadong hindi kanais-nais ang mga bagay para sa akin? Bakit napakamalas ko? Bakit ako nahaharap sa pagpupungos araw-araw? Bakit palagi akong natutuliro at nagkakamali sa lahat ng ginagawa ko? Bakit palaging nabubunyag ang mga kilos ko? Bakit palaging sumasalungat sa mga kagustuhan ko ang mga tao sa paligid ko? Bakit nila ako pinupuntirya, minamaliit, at palaging kinokontra ang kagustuhan ko sa lahat ng bagay?” Gaya ng sinasabi ng ilan, “Kapag minamalas ka, pati malamig na tubig ay maaaring kumapit sa iyong mga ngipin.” Makakakapit ba ang malamig na tubig sa iyong mga ngipin? Ngumunguya ka ba ng malamig na tubig gamit ang iyong mga ngipin? Hindi ba’t walang katuturan ito? Hindi ba’t paninisi ito sa Langit at ibang tao? (Oo, ganoon na nga.) Ano ang ibig sabihin ng maging malas? Mayroon ba talagang ganoon? (Wala.) Walang ganoong bagay. Kung tunay mong kinikilala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, na ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, hindi mo gagamitin ang mga salitang tulad ng “malas,” at hindi mo susubukang iwasan ang mga bagay-bagay. Kapag nakakatagpo ang mga tao ng mga bagay na salungat sa kanilang mga kagustuhan, ang una nilang reaksiyon ay ang iwasan ang mga ito, at pagkatapos ay tanggihan ang mga ito. Kung hindi nila kayang tumanggi, umiwas, o magtago mula sa mga bagay na ito, nagsisimula silang labanan ang mga ito. Ang paglaban ay hindi lamang pagninilay-nilay sa mga kaisipan ng isang tao o ang suriin ito sa isipan ng isang tao; ito ay may kasamang pagkilos. Sa pribado, ang mga tao ay gumagawa ng maliliit na pagmamaniobra, bumibigkas ng mga pahayag na mapanukso, binibigyang-katwiran ang sarili, pinangangalagaan ang sarili, nagpapahayag ng mga salitang nagluluwalhati sa sarili, o nagpapaganda sa kanilang sarili, para magmukha silang mabuti, para maiwasang maapektuhan o makaladkad sa isang malas na pangyayari. Sa sandaling magsimulang lumaban ang isang tao, maaari itong maging mapanganib para sa kanila, hindi ba? (Oo.) Sabihin mo sa Akin, kapag ang isang tao ay umabot sa puntong nagsisimula na siyang lumaban, mayroon pa ba siyang natitirang silbi ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao? Nagawa na nilang kumilos mula sa mga kaisipan at pananaw tungo sa tunay na pagkilos, at hindi na sila mapipigilan pa ng katwiran at konsensiya. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, ang mga kilos at kaisipan ng isang tao ay nagiging totoong paglaban sa Diyos. Ang mga ito ay hindi na lamang simpleng pagtanggi, pag-ayaw, o pagiging malungkot sa kanyang puso; ginagamit na niya ang kaniyang mga kilos at aktuwal na gawa para lumaban. Pagdating sa paglaban sa pamamagitan ng tunay na pagkilos, hindi ba’t katapusan na para sa taong ito? Kapag nabuo na ang mga realidad ng pagrerebelde sa Diyos, paglaban sa Diyos, at pagsalungat sa Kanya, hindi na ito isang problema ng landas na tinatahak ng mga tao—nagkaroon na ito ng resulta. Hindi ba’t masyadong mapanganib ito? (Oo.) Kaya, maging ang isang maliit at hindi gaanong makabuluhang tradisyonal na ideya sa kultura, tradisyonal na kaisipan, o mapamahiing kasabihan ay maaaring humantong sa mga napakalubhang kahihinatnan. Hindi lang ito isang simpleng kagawian sa pamumuhay, isang usapin ng kung ano ang kakainin, kung ano ang isusuot, o kung ano ang sasabihin o hindi sasabihin. Maaari pa itong umabot sa kung anong uri ng saloobin ang ipapakita ng isang tao kapag nahaharap sa mga kapaligirang pinapatnugutan ng Diyos. Samakatuwid, ito rin ay mga isyung dapat bitiwan ng mga tao.

Bukod sa pagtataguyod ng ilang tradisyonal na pamumuhay at mga kaisipan at pananaw sa panahon ng malalaking pagdiriwang, itinataguyod din ng mga tao ang mga ito sa panahon ng ilang maliliit na pagdiriwang. Halimbawa, kumakain sila ng matatamis na dumplings sa ika-15 araw ng Lunar New Year. Bakit kumakain ang mga tao ng matatamis na dumplings? (Simbolo ang mga ito na ang isang pamilya ay muling nagkakasama-sama.) Ang isang pamilya ay muling nagkakasama-sama. Nakakain na ba kayo ng matatamis na kakanin sa mga nakalipas na taon? (Nakakain ako ng mga ito sa bahay, hindi sa iglesia.) Mabuting bagay ba na muling magkakasama-sama ang pamilya? (Hindi.) May mabubuting tao ba sa inyong pamilya? Kung hindi ka nila hihingan ng pera, hihingan ka naman nila ng kabayaran sa utang; kung nagtataglay ka ng kasikatan at pakinabang, binobola ka nila at humihingi sila ng parte, at kung hindi mo sila pagbibigyan, lalaitin ka nila. Mayroong tradisyon ng pagkain ng matatamis na dumplings sa ika-15 araw ng Lunar New Year, mayroon ding ibang kaugalian sa iba’t ibang petsa tulad ng ikalawang araw ng ikalawang buwan sa lunar calendar, ikatlong araw ng ikatlong buwan, ika-apat ng ika-apat na buwan, ikalima ng ikalimang buwan…. Komplikado ang iba’t ibang bagay, at ang lahat ng uri ng pagkaing kaugnay ng mga ito. Ang mga bagay na ito na ginagawa ng mundo ng mga walang pananampalataya at mga demonyo ay pawang katawa-tawa. Kung gusto mong magsaya sa isang pagdiriwang at kumain ng masasarap na pagkain, sabihin mo na lang na kakain ka ng masarap na pagkain at iyon lang. Hangga’t pinahihintulutan ng iyong kalagayan sa pamumuhay, maaari kang kumain ng kahit anong gusto mo. Tama na ang ganitong kalokohan, tulad ng pagkain ng kakanin taon-taon para ma-promote, pagkain ng isda para sa kasaganahan, o ng matatamis na dumplings para sa muling pagkakasama-sama ng pamilya. Gumagawa rin ng mga rice dumpling ang mga Chinese, pero para saan? Kada taon, sa iba’t ibang pagdiriwang, may ilang taong dedikado sa iglesia ang bumibili ng iba’t ibang bagay na nauukol sa bawat isa sa mga pagdiriwang, tulad ng mga rice dumpling. Tinanong Ko sila, “Bakit kayo kumakain ng mga rice dumpling?” Sabi nila, “Ito ay para sa Dragon Boat Festival sa ikalimang araw ng ikalimang buwan ng lunar.” Ang mga rice dumpling ay talagang masarap, pero hindi Ko alam kung bakit may isang pagdiriwang na kaugnay ng mga ito o kung paano ito nauugnay sa buhay at kapalaran ng mga tao. Hindi Ako kailanman nagsaliksik o nag-survey tungkol dito, kaya hindi Ko alam. Ito ay para sana gunitain ang isang tao. Ngunit bakit natin kailangang kainin ang mga bagay na ito sa kanyang alaala? Ang mga rice dumpling ay dapat ibigay sa taong iyon. Ang sinumang nagnanais na gunitain siya ay dapat maglagay ng mga rice dumpling sa harap ng kanyang libingan o larawan. Hindi dapat ibigay ang mga ito sa mga nabubuhay: Hindi ito para sa mga nabubuhay. Ang mga nabubuhay ay kumakain ng mga ito para sa taong iyon—isa iyong kahangalan. Ang kaalaman ukol sa mga pagdiriwang na ito, pati na rin kung ano ang kakainin sa panahon ng mga pagdiriwang na ito ay nakuha mula sa mga walang pananampalataya: Hindi Ko alam ang mga partikular na detalye, at ang ilang detalye ay naipasa sa mga tao sa iglesia kinalaunan—kagaya ng pagkain ng mga rice dumplings sa Dragon Boat Festival at pagkain ng mga kakanin sa Lunar New Year. Sa Kanluran, kumakain ang mga tao ng pabo sa Araw ng Pasasalamat: Bakit sila kumakain ng pabo? Ayon sa mga balita, kumakain sila ng pabo sa Araw ng Pasasalamat para magpasalamat—isa itong tradisyon. May isa pang pagdiriwang sa Kanluran na tinatawag na Pasko, kung saan nagtatayo ng mga Christmas tree ang mga tao at nagsusuot ng mga bagong damit—isa rin itong tradisyon. Sa panahon ng pagdiriwang na ito, ang mga taga-Kanluran ay dapat magpalitan ng magagandang salita at mabubuting pagbati, pati na rin ng mga pagbasbas. Hindi sila pinapayagang magsalita ng masasama o ng mga sumpa. Ang lahat ng ito ay katumbas ng mga swerteng kasabihan sa kultura ng Silanganan, at ang layon ng mga ito ay para pigilan ang mga tao na lumabag sa mga ipinagbabawal, kung hindi ay hindi magiging maganda ang susunod na taon. Ang mga pagdiriwang sa Kanluran tulad ng Araw ng Pasasalamat at Pasko ay may kasamang kainan ng mga espesyal at masarap na pagkain, at may mga kwentong nilikha para bigyang-katwiran ang mga ganitong pagkain. Sa huli, binubuod Ko ang nangyayari: Ang mga tao ay naghahanap ng dahilan para magpakasasa sa masasarap na pagkaing ito, tinutulutan silang pangatwiranan ang pagpapahinga nang ilang araw para mag-piyesta sa bahay, kumakain hanggang sa magkaroon sila ng malaking tiyan. Kapag oras na para magdonate ng dugo, sinasabi ng nurse, “Masyadong mataas ang antas ng lipid sa dugo mo, hindi ito naaayon sa pamantayan at hindi ka kwalipikadong magdonate ng dugo.” Ito ay dulot ng sobra-sobrang pagkain ng karne. Ang pangunahing layon sa pagdiriwang ng mga tradisyonal na piyesta ay para magpakasaya sa masasarap na pagkain at inumin. Ito ay ipinamamana mula sa sunod-sunod na henerasyon, mula sa matatanda hanggang sa mga bata, at nagiging isang tradisyon. Ang mga pinagbabatayang kaisipan at pananaw na ikinintal ng mga tradisyong ito, pati na ang ilang pamahiin, ay ipinasa rin mula sa matatanda tungo sa mas nakababatang henerasyon.

Ano pang ibang mga pamahiin ang mayroon? Ang pagkibot ng mata na kababanggit Ko lang ay madalas bang mangyari? (Oo.) Sinasabi mo, “Palaging kumikibot ang mata ko.” May nagtatanong, “Aling mata ang kumikibot?” Ang sagot mo ay, “Ang kaliwang mata.” Sabi ng taong iyon, “Walang problema, ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna.” Totoo ba ito? Yumaman ka ba nang kumibot ang kaliwang mata mo? Nakakuha ka ba ng pera? (Hindi.) May nangyari bang sakuna nang kumibot ang iyong kanang mata? (Wala rin.) Nagkaroon ba ng anumang sitwasyon kung saan may nangyaring sakuna dahil kumibot ang iyong kaliwang mata, kung saan may masamang nangyari, o kung saan may magandang nangyari dahil kumibot ang iyong kanang mata? Naniniwala ba kayo sa mga bagay na ito? (Hindi.) Paanong hindi kayo naniniwala sa mga bagay na ito? Bakit kumikibot ang mata ninyo? Mayroon bang mga lunas sa katutubong kultura para pigilan ang pagkibot ng mata? May mga pamamaraan ba? (Nakakita ako ng ilang tao na nagdidikit ng isang piraso ng puting papel sa kanilang talukap.) Naghahanap sila ng isang piraso ng puting papel na ididikit. Aling mata man ang kumikibot, pinupunit nila ang isang piraso ng puting papel mula sa kalendaryo o maliit na notebook at idinidikit ito sa kanilang talukap—hindi pwedeng ibang kulay ito kundi puti lang. Ano ang ibig sabihin ng puting papel? Ibig sabihin, ang pagkibot ay “walang kabuluhan,” nagpapahiwatig na hindi tutulutang may masamang mangyari. Matalinong pamamaraan ba ito? Napakatalino, hindi ba? Pero ibig bang sabihin nito ay kumikibot ito “nang walang kabuluhan”? (Wala itong kaugnayan sa kung magdidikit ba ng papel sa kanyang talukap ang isang tao o hindi.) Maaari ba ninyong linawin ang usaping ito? “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna”—nangangahulugan man ito ng magandang kapalaran o sakuna, mayroon bang anumang paliwanag para sa pagkibot ng mata? Mayroon bang sitwasyon kung saan kapag kumikibot ang iyong kanang mata, nararamdaman mo na parang may masamang mangyayari, mayroon kang premonisyon, at pagkaraan ng ilang sandali, huminto ito sa pagkibot, nakalimutan mo na ang lahat tungkol dito, at pagkatapos ay may nangyaring masama pagkalipas ng ilang araw, at pagkatapos harapin ang pangyayaring ito, bigla mong naalala, iniisip na, “Naku, tumpak nga ang kasabihan tungkol sa pagkibot ng mata. Bakit? Dahil totoo ngang nagsimulang kumibot ang kanang mata ko nitong mga nakalipas na araw, at nang huminto na ito, nangyari ang insidenteng ito. Pagkatapos nitong mangyari, hindi na kumibot ang mata ko mula noon.” Nangyayari ba ito? Kapag hindi mo maunawaan ang isang bagay, hindi ka nangangahas na magsalita ng anuman, hindi ka nangangahas na itatwa ito o aminin ito bilang totoo; hindi mo maiwasan ang paksa, hindi mo ito masabi nang malinaw, pero iniisip mo pa rin na kapani-paniwala ito. Sa iyong bibig, sinasabi mo na, “Iyan ay pamahiin, hindi ko pwedeng paniwalaan iyan, ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos.” Hindi mo ito pinaniniwalaan, pero nagkatotoo ang bagay na ito; napakatumpak nito, paano mo ito maipapaliwanag? Hindi mo nauunawaan ang katotohanan at diwa rito, kaya hindi mo ito masabi nang malinaw. Itinatatwa mo ito sa bibig mo, tinatawag itong pamahiin, ngunit sa kaloob-looban, natatakot ka pa rin dito dahil may mga pagkakataon na talagang nangyayari ito. Halimbawa, mayroong isang taong naaksidente at namatay. Bago ang aksidente, nakaramdam ng matinding pagkibot sa kanang mata ang asawa ng taong iyon: Patuloy itong kumikibot araw at gabi—gaano kalala ang kahihinatnan ng pagkibot na ito? Maging ang ibang tao ay nakikitang kumikibot ang kanyang mata. Matapos ang ilang araw, nagkaroon ng aksidente sa sasakyan at namatay ang kanyang asawa. Pagkatapos ayusin ang libing, umupo siya at unti-unting napapaisip, “Naku, noong mga araw na iyon, napakatindi ng pagkibot ng mata ko na hindi ko man lang ito mapigilan ng kamay ko. Hindi ko inaasahang magkakatotoo ito nang ganito.” Kalaunan, nagsisimula na siyang maniwala sa kasabihang ito, iniisip na, “Naku, talagang may nangyayari kapag kumikibot ang mata ko. Maaaring hindi naman talaga ito mabuti o masama, pero mayroong nakatakdang mangyari. Isa itong uri ng hula o premonisyon.” Nangyayari ba talaga ito? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako naniniwala rito, isa itong pamahiin.” Pero dumarating ito sa tamang oras, at talagang tumpak ito. Ang mga bagay na nabanggit sa katutubong kultura ay hindi mga tsismis na walang basehan; ang pamahiin ay iba sa tradisyon. Sa partikular na antas, umiiral ito sa buhay ng mga tao, at iniimpluwensiyahan at kinokontrol din nito ang kapaligiran ng pamumuhay ng mga tao at ang mga pangyayari na nagaganap sa kanilang buhay. Sinasabi ng ilang tao, “Eh, hindi ba’t isa itong tanda mula sa Diyos, hindi isang pamahiin? Dahil hindi ito isang pamahiin, dapat natin itong tratuhin at unawain nang maayos. Hindi ito galing kay Satanas, maaaring mula ito sa Diyos—isang pahiwatig mula sa Diyos. Hindi natin ito dapat kondenahin.” Paano natin titingnan nang tama ang bagay na ito? Sinusubok nito ang iyong kakayahang tingnan ang mga bagay-bagay at ang iyong pagkaunawa sa katotohanan. Kung tinatrato mo ang lahat ng bagay nang pantay-pantay, naniniwala ka na, “Lahat ng ito ay pamahiin, walang ganoong bagay, at hindi ako naniniwala sa alinman sa mga ito,” tamang paraan ba ito ng pagtingin sa mga bagay? Halimbawa, kapag gustong lumipat ng bahay ang mga walang pananampalataya, nakikita nila na sinasabi sa kanilang almanac na, “Malas ang araw na ito sa paglipat,” kaya sinusunod nila ang ipinagbabawal na ito at hindi sila nangangahas na lumipat sa araw na iyon. Naghahanap sila ng araw kung saan sinasabi ng almanac na “Swerteng lumipat ngayon” o “Swerte ang lahat ng bagay” bago sila lumipat. Pagkatapos lumipat, walang masamang nangyayari, at hindi ito nakakaapekto sa kanilang kapalaran sa hinaharap. Nangyayari ba ito? Nakikita ng ilang tao ang “malas lumipat” pero hindi nila ito pinaniniwalaan; itinutuloy pa rin nila ang kanilang paglipat. Bilang resulta, nang makalipat na sila may hindi magandang nangyari: may kasawian sa pamilya, bumabagsak ang kanilang kayamanan, may namamatay sa kanilang pamilya, at ang isa naman ay nagkakasakit. Lahat, mula sa pagsasaka, trabaho, at pagnenegosyo hanggang sa pag-aaral ng kanilang mga anak, ay nagiging mahirap. Hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Kinokonsulta nila ang isang manghuhula, na nagsasabing, “Nilabag mo ang isang pinakapangunahing ipinagbabawal noong panahong iyon. Malas ang araw na iyon nang lumipat ka, at sa paggawa mo nito, kinontra mo si Tai Sui.”[a] Ano ang nangyayari dito? Alam mo ba? Kung hindi ninyo maunawaan ito, hindi ninyo malalaman kung paano haharapin ang gayong mga sitwasyong kapag lumilitaw ang mga ito. Kung sasabihin ng isang taong walang pananampalataya na, “Hayaan mong sabihin ko sa iyo, lumipat ako noong araw na malas lumipat, at pagkalipat namin, patuloy na nagkakaproblema ang pamilya ko araw-araw, mas lalong nagiging malas, at hindi na kami nagkaroon ng magandang araw simula noon,” maaaring kabahan ka kapag narinig mo ito. Natatakot ka, iniisip na, “Naku, kung hindi ko susundin ang ipinagbabawal, ganoon din ba ang mangyayari sa akin?” Binabalik-balikan mo ito sa iyong isipan, iniisip na, “Nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako natatakot!” Ngunit nananatili pa rin sa isipan mo ang pag-aalinlangan, at hindi ka nangangahas na lumabag sa ipinagbabawal.

Paano natin dapat tingnan ang mga pamahiing ito? Simulan natin sa usapin ng pagkibot ng mata. Alam ba nating lahat kung ano ang ibig sabihin ng pagkibot ng mata? Ang pinakabatayang pagkaunawa ng mga tao ay na hinuhulaan nito kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap, mabuti o masama man ang bagay na iyon. Pero ito ba ay pamahiin o hindi? Sabihin mo. (Pamahiin ito.) Ito ay pamahiin. Susunod na tanong, dapat bang maniwala ang mga taong may pananalig sa Diyos sa kasabihang ito? (Hindi sila dapat maniwala.) Bakit hindi sila dapat maniwala? (Dahil ang ating kapalaran at kasawian ay pinamamahalaan at pinamamatnugutan ng mga kamay ng Diyos at walang kinalaman sa kung kumikibot ang iyong mata o hindi. Ang lahat ng ating kinakaharap ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, at dapat tayong magpasakop dito.) Sabihin natin na isang araw ay kumikibot nang matindi ang iyong mata sa buong araw, at nagpapatuloy ito hanggang sa sumunod na umaga. Pagkatapos, may nangyayari, at ikaw ay pinungusan. Pagkatapos mapungusan, huminto ang pagkibot ng iyong mata. Ano ang iisipin mo? “Ang pagkibot ng mata ko ay isang tanda na pupungusan ako.” Nagkataon lang ba ito? Ito ba ay isang pamahiin? Minsan ay nagkakataon lamang ito; minsan ay nangyayari ang mga ganitong bagay. Ano ang nangyayari? (Diyos, parang normal lang na parte ng ritmo ng katawan ang pagkibot ng mata, at hindi ito dapat iugnay sa pagpupungos.) Ganito dapat unawain ang pagkibot ng mata: Naniniwala man ang mga tao na ang pagkibot ng isang mata ay nagpapahiwatig ng magandang kapalaran at ang pagkibot ng isa pa ay nagpapahiwatig ng sakuna, nilikha ng Diyos ang katawan ng tao nang may maraming misteryo. Gaano kalalim ang mga misteryong ito, anong mga partikular na detalye ang kaugnay rito, anong mga likas na gawi, mga abilidad, at potensyal na mayroon ang katawan ng tao—hindi taglay ng mga tao ang kaalamang ito nang mag-isa. Kung ang katawan ng tao ay may kakayahang makaramdam sa espirituwal na mundo, kung taglay man nito ang tinatawag ng iba na sixth sense—hindi ito alam ng mga tao. Kailangan pa bang mag-abala ang mga tao na unawain itong mga di-kilalang aspekto ng katawan ng tao? (Hindi, hindi nila kailangang gawin.) Hindi na kailangan—hindi kailangang maunawaan ng mga tao kung anong mga misteryo ang umiiral sa loob ng katawan ng tao. Bagamat hindi nila kailangang maunawaan, kailangan silang magkaroon ng batayang pagkaunawa na ang katawan ng tao ay hindi simpleng bagay. Ito ay likas na naiiba mula sa anumang bagay o gamit na hindi nilikha ng Diyos, tulad ng mesa, upuan, o computer. Ang likas na katangian ng mga bagay na ito ay ganap na naiiba kaysa sa katawan ng tao: Ang mga walang buhay na bagay na ito ay walang pakiramdam sa espirituwal na mundo, samantalang ang katawan ng tao, isang bagay na may buhay na nagmumula sa Diyos, na nilikha ng Diyos, ay nakakaramdam at nakakaunawa sa kasalukuyang kapaligiran nito, sa atmospera, at ilang espesyal na bagay, pati na kung paano tumugon sa kapaligiran sa palibot at sa mga paparating na pangyayari. Hindi ito simple—lahat ng ito ay misteryo. Bukod sa nararamdaman ng katawan ng tao ang mga bagay na malamig, mainit, kaaya-aya o masama ang amoy, matamis, maasim, at maanghang, mayroon ding ilang misteryo na hindi alam ng subhetibong kamalayan ng tao. Hindi alam ng mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito. Kaya, sa partikular na salita, nauugnay man sa mga ugat ng isang tao ang pagkibot ng mata, sa kanyang sixth sense, o sa isang bagay na may kinalaman sa espirituwal na mundo—hindi natin ito susuriin. Ano’t anuman, umiiral ang penomenang ito, at hindi natin sisiyasatin ang layon at kahulugan ng pagkakaroon nito. Gayunpaman, mayroong mga kasabihan tungkol sa pagkibot ng mata kapwa sa pamilya at sa katutubong kultura. Binubuo man ng pamahiin o hindi ang mga kasabihang ito, sa katapusan ng araw, ito ay isang tanda na namamalas sa katawan ng tao bago may mga nangyayari sa kapaligiran ng pamumuhay. Ngayon, nabibilang ba ang paraan ng pagpapamalas na ito sa pamahiin, tradisyon, o agham? Isa itong bagay na hindi magagawang saliksikin—isa itong misteryo. Sa madaling salita, sa totoong buhay, sa libo-libong taon mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, napagpasyahan ng sangkatauhan na ang pagkibot ng mata ng isang tao ay konektado kahit papaano sa mga pangyayaring magaganap sa kanilang paligid. May kaugnayan man ang pagiging konektado nito sa kayamanan, swerte, o sa ibang aspekto pa ng buhay ng isang tao, ito ay imposibleng saliksikin. Isa rin itong misteryo. Bakit ito itinuturing na misteryo? Maraming bagay ang may kinalaman sa espirituwal na mundo sa labas ng materyal na mundo, na hindi mo makita o maramdaman kahit na sinabi pa ang mga ito sa iyo. Kaya ito itinuturing na isang misteryo. Dahil ang mga bagay na ito ay mga misteryo at hindi nakikita o nararamdaman ang mga ito ng mga tao, ngunit umiiral pa rin sa mga tao ang ilang damdamin ng pangamba at pagkakaalam sa mangyayari, paano dapat harapin ng mga tao ang mga ito? Ang pinakasimpleng tuntunin ay huwag na lamang pansinin ang mga ito. Huwag maniwala na may kinalaman ang mga ito sa iyong yaman o swerte. Huwag mag-alala na baka may mangyaring masama kapag kumikibot ang iyong kanang mata, at lalong huwag magsaya kapag kumikibot ang iyong kaliwang mata, iniisip na magiging mayaman ka. Huwag hayaang maapektuhan ka ng mga bagay na ito. Ang pangunahing dahilan ay sapagkat wala kang kakayahang hulaan ang hinaharap. Ang lahat ay pinamamatnugutan at pinamumunuan ng Diyos; magiging mabuti man o masama ang mangyayari, lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang tanging saloobing dapat mong panghawakan ay ang pagpapasakop sa pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Huwag gumawa ng mga panghuhula o anumang di-kinakailangang sakripisyo, paghahanda, o pakikibaka. Anuman ang mangyayari ay mangyayari, dahil lahat ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Walang makakapagpabago sa mga kaisipan ng Diyos, sa Kanyang mga plano, o sa kung ano ang determinado Siyang mangyari. Magdikit ka man ng puting papel sa iyong talukap, dinidiinan mo man ang iyong mata ng kamay mo, o umaasa ka man sa agham o pamahiin, wala sa mga ito ang makakagawa ng pagbabago. Ang mangyayari ay mangyayari, magkakatotoo, at hindi mo ito mababago dahil ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang anumang pagtatangkang iwasan ito ay isang kahangalan, isang walang saysay na sakripisyo, at hindi kinakailangan. Ang paggawa nito ay magpapakita lamang na ikaw ay mapanghimagsik at matigas ang ulo, walang saloobing nagpapasakop sa Diyos. Nauunawaan mo ba? (Oo, nauunawaan ko.) Kaya, kung ang pagkibot ng mata ay itinuturing man na pamahiin o agham, dapat ganito ang saloobin ninyo: Huwag maging masaya kapag kumikibot ang iyong kaliwang mata, at huwag maging matakutin, nasisindak, nag-aalala, tumatanggi, o lumalaban kapag kumikibot ang iyong kanang mata. Kahit talagang may mangyayari pagkatapos kumibot ang iyong mata, dapat mo itong harapin nang mahinahon dahil ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi mo kailangang matakot o mag-alala. Kung may magandang mangyari, pasalamatan mo ang Diyos sa Kanyang pagpapala—ito ang biyaya ng Diyos; kung may masamang mangyari, magdasal ka sa Diyos na gabayan ka, protektahan ka, at na huwag kang hayaang mahulog sa tukso. Sa anumang kapaligiran na maaaring sumunod, magkaroon ng kakayahang magpasakop sa pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Huwag talikuran ang Diyos, huwag magreklamo sa Kanya, kahit gaano pa kalaki ang sakunang sumasapit sa iyo, o gaano man katindi ang kasawiang nararanasan mo, huwag mong sisihin ang Diyos. Maging maluwag sa loob na magpasakop sa pangangasiwa ng Diyos. Hindi ba’t malulutas ang isyung ito pagkatapos? (Oo.) Tungkol sa mga ganitong usapin, dapat magkaroon ang mga tao ng ganitong kaisipan at pananaw: “Anuman ang mangyari sa hinaharap, handa ako, at mayroon akong saloobing nagpapasakop sa Diyos. Kumikibot man ang aking kaliwang mata, kumikibot ang aking kanang mata, o sabay na kumikibot ang parehong mata, hindi ako natatakot. Alam kong maaaring may mangyari sa hinaharap, pero naniniwala ako na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Maaaring isa itong paraan na ipinapaalam sa akin ng Diyos ang tungkol sa isang bagay na mangyayari, o maaaring isa itong likas na reaksiyon ng aking pisikal na katawan. Anuman ang mangyari, handa ako, at mayroon akong saloobing nagpapasakop sa Diyos. Gaano man kalaki ang pinsala o kawalan na dadanasin ko pagkatapos mangyari ang bagay na ito, hindi ko sisisihin ang Diyos. Handa akong magpasakop.” Ito ang saloobing dapat taglayin ng mga tao. Sa sandaling panghawakan nila ang ganitong saloobin, wala na silang pakialam kung ang mga kasabihan tungkol sa pagkibot ng mata na ikinondisyon sa kanila ng kanilang pamilya ay naglalaman ba ng pamahiin o agham. Sinasabi nila, “Hindi na mahalaga kung ito ay pamahiin o agham. Nasa sa inyo na iyan kung ano ang pinaniniwalaan ninyo. Kung sasabihin ninyo sa akin na magdikit ng isang piraso ng papel sa aking talukap, hindi ko iyon gagawin. Kung hindi na talaga komportable ang pagkibot, gagawin ko lang ito sandali.” Kung may magsasabi sa iyo na, “Masyado nang kumikibot ang mga mata mo, mag-ingat ka sa mga susunod na araw!” makakatulong ba sa iyo na maiwasan ang anumang bagay sa pamamagitan ng pagiging maingat? (Hindi, hindi mo maiiwasan kung ano ang nakatakdang mangyari.) Kung isa itong pagpapala, hindi ito maaaring maging isang sakuna; kung isa itong sakuna, hindi mo ito maiiwasan; isa man itong pagpapala o sakuna, tinatanggap mo ang alinman sa mga ito. Ito ay pagkakaroon ng parehong saloobing katulad ng kay Job. Kung tinatanggap mo ito dahil lang sa ito ay isang pagpapala, at masaya ka kapag kumikibot ang iyong kaliwang mata, pero nagagalit ka kapag kumikibot ang iyong kanang mata, sinasabi na, “Bakit ito kumikibot? Palagi na lang itong kumikibot, hindi na ito humihinto! Magdarasal ako at isusumpa ko na tumigil na ang pagkibot ng aking kanang mata at na malayo ako sa kasawian”—hindi ito ang saloobing dapat taglayin ng isang taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya. Kung walang pahintulot ng Diyos, kung walang Diyos na nagtatakdang mangyari ito, mangangahas bang lumapit sa iyo ang kasawian o ang mga demonyo? (Hindi.) Ang materyal na mundo at espirituwal na mundo ay parehong nasa ilalim ng kontrol, kataas-taasang kapangyarihan, at pagsasaayos ng Diyos. Anuman ang gustong gawin ng isang munting demonyo, kung walang pahintulot ng Diyos, mangangahas ba itong pakialaman ang kahit isang hibla ng buhok mo? Hindi ito mangangahas na gawin iyon, hindi ba? (Hindi, hindi nito gagawin iyon.) Gusto nitong hawakan at saktan ka, pero kung hindi ito pinahihintulutan ng Diyos, hindi ito mangangahas na gawin iyon. Kung pahihintulutan ito ng Diyos, sinasabi na, “Gumawa ka ng ilang sitwasyon sa paligid nila at bigyan sila ng masamang kapalaran at mga problema,” pagkatapos ay magiging masaya ang munting demonyo at magsisimulang kumilos laban sa iyo. Kung may pananalig ka sa Diyos at malampasan mo ito, naninindigan sa iyong patotoo, hindi itinatatwa o ipinagkakanulo ang Diyos, hindi hinahayaang magtagumpay ang munting demonyong ito, kung gayon, kapag humarap na ang munting demonyo sa Diyos, hindi ka na nito magagawang akusahan, magkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos mula sa iyo, at ikukulong Niya ang munting demonyo. Hindi na ito mangangahas na muli kang saktan, at ikaw ay magiging ligtas. Ito ang tunay na pananalig na dapat mong taglayin, naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung wala ang pahintulot ng Diyos, walang darating na malas o masamang bagay sa iyo. Higit pa kaysa sa pagpapala lang sa mga tao ang kayang gawin ng Diyos; kaya Niyang isaayos ang iba’t ibang sitwasyon para subukin ka at hubugin ka, turuan ka ng mga aral mula sa mga sitwasyong ito, at kaya Niyang magtakda ng iba’t ibang sitwasyon para kastiguhin at hatulan ka. Minsan, maaaring hindi tumutugma sa iyong mga kuru-kuro at lalo na sa iyong mga imahinasyon ang mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos. Pero huwag kalimutan ang sinabi ni Job, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Ito dapat ang pagmumulan ng iyong tunay na pananalig sa Diyos. Manalig ka na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay, at hindi ka matatakot sa simpleng pagkibot ng mata, hindi ba’t tama iyon? (Oo, tama iyon.)

Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paano harapin ang pagkibot ng mata. Ang pagkibot ng mata—isang karaniwang pangyayari sa pang-araw-araw na buhay—ay isang bagay na kadalasang sinusubukang lutasin ng mga tao gamit ang mga pamamaraang pantao. Gayunpaman, karaniwang hindi nakakamit ng mga pamamaraang ito ang mga inaasam na resulta, at sa huli, ang nakatakdang mangyari ay mangyayari, at walang makakatakas dito. Mabuti man ito o masama, gusto man itong makita ng mga tao o hindi, ang nakatakdang mangyari ay tiyak na mangyayari. Lalo pa nitong pinatutunayan na ang tadhana ng isang tao o ang maliliit na bagay sa pang-araw-araw ay lahat pinamamatnugutan at pinamamahalaan ng Diyos, at walang makakatakas sa mga ito. Kaya, dapat harapin ng matatalinong tao ang mga bagay na ito nang may tama at positibong saloobin, tinitingnan ang mga ito at nilulutas ang mga bagay-bagay na tulad nito batay sa mga katotohanang prinsipyo at salita ng Diyos, sa halip na gumamit ng mga pamamaraang pantao na magdudulot lamang ng mga walang kabuluhang sakripisyo o paghihirap, o sa huli, sila ang magdurusa ng kawalan. Ito ay dahil pagdating sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, walang pangalawang landas na mapagpipilian ang tao. Ito ang tanging landas na dapat piliin at sundin. Magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, matuto ng mga aral sa mga kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos, matutong magpasakop sa Diyos, unawain ang mga gawa ng Diyos, unawain ang sarili, at kung ano ang landas na dapat piliin at tahakin ng isang nilikha, at matuto kung paano tahakin nang maayos ang landas ng buhay na dapat tahakin ng mga tao, sa halip na labanan ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos gamit ang mga pamahiin o pamamaraang pantao.

Natapos na natin ang ating pagbabahaginan tungkol sa kung paano harapin ang pagkibot ng mata, ngunit paano nga ba dapat pangasiwaan ng mga tao ang usapin ng pananaginip sa kanilang pang-araw-araw na buhay? Halimbawa, kung nanaginip ka isang gabi na natanggal ang iyong mga ngipin, maaaring tatanungin ka ng iyong ina, “Dumugo ba nang matanggal ang mga ngipin mo?” Kung itatanong mo na, “Ano ang mangyayari kung dumugo nga ito?” maaaring sasabihin sa iyo ng iyong ina na pwedeng nangangahulugan ito na mayroong mamamatay sa pamilya, o maaaring may magaganap na hindi maganda. Hindi Ko alam kung ano ang maaaring partikular na kasabihan sa likod ng detalyeng ito, magkakaiba ang sinasabi ng iba’t ibang pamilya. Maaaring sasabihin ng ilan na hinuhulaan nito ang kamatayan ng isang malapit na kamag-anak, tulad ng lolo o lola, o mga magulang, samantalang maaaring sasabihin naman ng ilan na nagpapahiwatig ito ng pagkamatay ng isang kaibigan. Ano’t anuman, ang pananaginip tungkol sa pagkawala ng mga ngipin ay karaniwang itinuturing na masamang bagay. Dahil ito ay masama, at nauugnay ito sa mga usapin ng buhay at kamatayan, labis na nag-aalala ang mga tao dahil dito. Sa tuwing nananaginip ang mga tao ng pagkawala ng mga ngipin, nagigising sila nang nababalisa. Mayroon silang pakiramdam na malapit nang mangyari ang isang kasawian o masamang bagay, na nagdudulot sa kanila ng pagkabalisa, pagkatakot, at pangamba. Gusto nilang mapawi ang pakiramdam na iyon ngunit hindi nila magawa, gusto nilang makahanap ng mga taong tutugon sa usaping ito o aayos nito, pero imposibleng magawa ito. Sa madaling salita, sila ay nabihag ng panaginip na ito. Lalo na kapag ang panaginip ay naglalaman ng pagdurugo ng kanilang mga ngipin, mas tumitindi ang kanilang pag-aalala. Pagkatapos magkaroon ng ganitong panaginip, madalas na hindi maganda ang lagay ng kalooban ng mga tao sa loob ng maraming araw, hindi sila mapalagay, at hindi nila alam kung paano ito kakayanin. Para sa mga hindi pamilyar sa mga bagay na ito, maaaring hindi pa rin sila maapektuhan, ngunit para sa mga taong nakatanggap na ng mga partikular na kaisipan at pananaw o nakarinig na ng mga mas nakakaalarma at nakakagulat na kasabihang may kaugnayan sa usaping ito na ipinamana ng kanilang mga ninuno, mas lalo silang nag-aalala. Natatakot silang magkaroon ng mga ganitong panaginip at sa tuwing nangyayari ito, agad silang nagdarasal, “O Diyos, pakiusap, protektahan Mo po ako, damayan Mo po ako, bigyan Mo po ako ng lakas, at pigilan na mangyari ang mga bagay na ito. Kung nakatakda ito para sa aking mga magulang, pakiusap, panatilihin Mo po silang ligtas at malaya sa anumang aksidente.” Malinaw na ang mga saloobing ito ay iniimpluwensiyahan ng kanilang mga kaisipan at pananaw o ng mga tradisyonal na kasabihan. Tungkol sa mga tradisyon, maaaring may mga espesyal na paraan ang ilang pamilya o indibidwal para maibsan ang mga ganitong bagay, o maaaring kumakain at umiinom sila ng mga partikular na bagay, bumibigkas ng mga partikular na orasyon, o gumagawa ng mga partikular na bagay para malutas o maiwasan ang masasamang kalalabasan. Talagang may mga ganoong kaugalian sa mga katutubong tradisyon, ngunit hindi na natin susuriin ang mga ito. Ang pagbabahaginan natin ay ang kung paano harapin at unawain ang usapin ng pananaginip. Ang pananaginip ay isang likas na gawi ng tao sa laman o isang parte ng penomena ng pananatiling buhay ng laman. Ano’t anuman, isa itong misteryosong pangyayari. Madalas sinasabi ng mga tao na, “Kung ano ang iniisip mo sa umaga, iyon ang mapapanaginipan mo sa gabi.” Gayunpaman, hindi karaniwang iniisip ng mga tao ang mga bagay tulad ng pagkawala ng kanilang mga ngipin sa umaga, hindi rin ito mga bagay na nakikita ng mga tao sa kanilang mga pagnanais. Walang gustong makaranas ng gayong mga bagay, at walang sinumang nahuhumaling sa mga bagay na ito araw at gabi. Gayunpaman, madalas nangyayari ang mga ito kapag hindi inaasahan ng mga tao. Kaya, wala itong kinalaman sa kasabihang, “Kung ano ang iniisip mo sa umaga, iyon ang mapapanaginipan mo sa gabi.” Hindi ito isang bagay na nangyayari dahil lang sa iniisip mo ito. Anuman ang mga interpretasyon ni Freud sa Kanluran o ng Duke ng Zhou sa Tsina tungkol sa mga panaginip, o kung ang mga panaginip ay nagkakatotoo man o hindi sa huli, sa madaling salita, ang usapin ng pananaginip ay nauugnay sa ilang di-namamalayang sensasyon at kamalayan sa katawan ng tao, at bumubuo ng isang parte ng mga misteryo nito. Ang mga siyentista na nag-aaral ng biyolohiya at neurosiyensiya sa Kanluran ay nagsasaliksik tungkol dito, at sa huli, nabigo silang lubusang maunawaan ang mga pinagmulan ng mga panaginip ng tao. Hindi nila ito mawari, kaya, dapat bang subukan nating magsaliksik tungkol dito? (Hindi natin dapat gawin ito.) Bakit hindi natin dapat gawin ito? (Ang pagsasaliksik sa mga bagay na ito ay walang silbi, at hindi rin natin mauunawaan ang mga ito.) Hindi dahil sa walang silbi ito o na hindi natin mauunawaan ito; ito ay dahil hindi kasama ang katotohanan dito, ganoon kasimple. Ano ang maaari mong makamit sa pag-aaral at pag-unawa rito? Kasama ba rito ang katotohanan? (Hindi, hindi kasama.) Ito ay isa lamang penomena na nagaganap sa takbo ng pananatiling buhay ng katawan, at madalas itong nangyayari sa buhay ng mga tao. Gayunpaman, hindi alam ng mga tao ang ibig sabihin nito. Parte ito ng misteryo. Hindi ito kailangang saliksikin o siyasatin ng mga tao dahil walang katotohanan dito, at hindi ito nauukol sa mga landas na tinatahak ng mga tao. Nananaginip ka man sa gabi tungkol sa pagkawala ng iyong mga ngipin o hindi, nananaginip ka man tungkol sa pagkakaroon ng engrandeng piging o sa pagsakay ng rollercoaster, may kinalaman ba ito sa takbo ng buhay mo sa umaga? (Wala itong kinalaman.) Kung isang gabi ay nanaginip ka na nakikipag-away ka sa isang tao, ibig bang sabihin nito ay tiyak na may makakaaway ka sa araw? Kung isang gabi ay mayroon kang maganda at masayang panaginip, at gumising ka nang masaya, ibig bang sabihin nito ay tiyak na magiging maayos at ayon sa inaasahan ang takbo ng lahat ng bagay sa araw? Ibig bang sabihin nito na sa araw ay mauunawaan mo ang katotohanan at mahahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay? (Hindi, hindi ganoon.) Kaya, walang kinalaman sa katotohanan ang pananaginip. Hindi na kailangang magsaliksik tungkol dito. May kaugnayan ba sa pagkamatay ng isang malapit na kamag-anak ang pananaginip tungkol sa pagkawala ng iyong ngipin at pagdugo nito? (Wala itong kaugnayan.) Bakit palagi kang nagsasalita ng mga kamangmangan? Nagiging mangmang ka na naman, hindi ba? Wala kang kabatiran. Ang katawan ng tao ay isang misteryo, at maraming bagay ang hindi mo kayang ipaliwanag. Malulutas mo ba ang lahat sa simpleng “hindi”? Noon, ang mga propeta at mga taong hinirang ng Diyos ay nagkaroon din ng mga propetikong panaginip na nagbibigay ng mensahe mula sa Diyos na nagsasabi ng mga mangyayari sa hinaharap. Ang mga panaginip na ito ay may kabuluhan. Paano mo ipapaliwanag na ginagamit ng Diyos ang mga panaginip upang ihayag ang mga bagay-bagay sa mga tao? Kung gayon, paano pumasok ang Diyos sa kanilang mga panaginip? Lahat ng ito ay misteryo. Ginagamit din ng Diyos ang mga panaginip para ipaalam sa mga tao ang ilang partikular na bagay at bigyang-liwanag sila tungkol sa ilang usapin, nagbibigay-daan sa kanilang mahulaan ang ilang pangyayari bago ito mangyari. Paano mo ipapaliwanag ito? Mangmang ba kayo tungkol sa mga bagay na ito? (Oo.) Ngayon, ang punto ay hindi para bulag mong itatwa ang iba’t ibang di-maipaliwanag na penomenang nagyayari sa pang-araw-araw na buhay na kinabibilangan ng mga misteryong hindi mo maunawaan, kundi ang unawain at harapin ang mga ito nang tumpak. Hindi ito tungkol sa paulit-ulit na pagtatanggi sa mga bagay na ito, pagsasabing hindi umiiral ang mga ito, na walang ganoong bagay, o na imposible ang mga ito, bagkus, ito ay para tratuhin mo nang tama ang mga ito. Ano ang ibig sabihin ng tamang pagtrato sa mga ito? Ibig sabihin nito ay huwag harapin ang mga usaping ito nang may mga mapamahiin o labis-labis na kaisipan at pananaw tulad ng ginagawa ng mga makamundong tao, ni harapin ang mga ito katulad ng mga ateista o hindi mananampalataya. Hindi ito para gawin mo ang dalawang sukdulang bagay na ito, bagkus ay upang akuin mo ang tamang posisyon at pananaw para isaalang-alang ang mga bagay na ito na nangyayari sa araw-araw na buhay, hindi ang pananaw ng mga makamundong tao, ni ang mga pananaw ng mga hindi mananampalataya—kundi ang pananaw na dapat taglayin ng isang mananampalataya sa Diyos. Kaya, anong pananaw ang dapat mong taglayin ukol sa mga usaping ito? (Anuman ang mangyari, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos—huwag itong saliksikin.) Hindi mo ito dapat saliksikin, ngunit dapat bang magkaroon ka ng kaunting pagkaunawa tungkol dito? Ipagpalagay natin na may nagsasabing, “Nanaginip si ganito at ganyan na natanggal ang kanyang mga ngipin at mayroong dugo, at sa loob ng ilang araw, nabalitaan kong namatay ang kanyang ama.” Kung agad mong itatatwa ito at sasabihing, “Imposible! Pamahiin lang iyan, nagkataon lang na nangyari. Ang pamahiin ay paniniwala sa isang bagay dahil sa nahuhumaling ka rito; kung hindi ka nahuhumaling dito, hindi ito iiral,” kahangalan bang sabihin ito? (Oo.) Paano mo dapat tingnan ang bagay na ito kung gayon? (Dapat nating kilalanin na may maraming misteryo sa pisikal na katawan ng tao, at ang pananaginip na natanggal ang mga ngipin at pagdugo nito ay maaaring nagpapahiwatig ng isang hindi magandang pangyayari. Subalit, nangyayari man ito o hindi, dapat tayong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.) May natutunan kayo mula sa pagkibot ng mata, kaya paano ninyo dapat harapin ang pananaginip tungkol sa pagkatanggal ng mga ngipin at pagdugo nito? Dapat mong sabihin, “Hindi natin lubos na maunawaan ang usaping ito. Sa totoong buhay, tunay ngang umiiral ang penomenang ito. Hindi natin masasabi kung magiging totoo ito o kung magbabadya ito ng masamang mangyayari, ngunit ang masasamang bagay na tulad nito ay talagang nangyayari sa totoong buhay. Hindi natin lubos na naaarok ang mga usapin sa espirituwal na mundo, at hindi tayo nangangahas na gumawa ng mga walang basehang pahayag. Kung mayroon akong ganoong panaginip, ano dapat ang saloobin ko? Anuman ang panaginip, hindi ako dapat mapigilan nito. Kung tunay mang magkakatotoo ang panaginip na ito gaya ng sinasabi ng mga tao, kung gayon, pinasasalamatan ko ang Diyos sa pagbibigay sa akin ng kahandaan sa pag-iisip, sa pagpapaalam sa akin na maaaring mangyari ang ganitong bagay. Hindi ko kailanman naisip kung maaapektuhan ba ako kung mamamatay ang isang kapamilya, kung mamamatay ang aking mga magulang: kung mararamdaman ko ba na nabibigatan ako, kung maaapektuhan ba ang aking pagganap sa tungkulin, kung manghihina ba ako o kung magrereklamo ba ako laban sa Diyos—hindi ko kailanman naisip ito. Pero ngayon, ang pangyayaring ito ay nagbigay sa akin ng pahiwatig tungkol dito, ipinapakita sa akin ang aking tunay na tayog. Kapag naiisip ko ang kamatayan ng aking mga magulang, nakakaramdam ako ng malalim na kirot sa loob; napipigilan ako nito at nakakaramdam ako ng depresyon. Bigla kong napagtatantong napakaliit pa rin ng tayog ko. Napakaliit ng aking pusong nagpapasakop sa Diyos, at masyadong maliit ang aking pananalig sa Diyos. Simula ngayon, pakiramdam ko ay dapat kong sangkapan ang aking sarili ng higit pang katotohanan, dapat akong magpasakop sa Diyos, at hindi magpapigil sa bagay na ito. Kung talagang may isang malapit na kamag-anak na mamamatay o lilisan, hindi ako mapipigilan nito. Handa ako at humihingi ako sa Diyos ng patnubay at dagdag na lakas. Anuman ang nasa hinaharap, hindi ko pagsisisihang pinili kong gawin ang aking tungkulin, hindi rin ako susuko sa pagpiling igugol ang aking sarili sa Diyos kasama ang aking buong katawan at isipan. Magpupursige ako, at magpapatuloy akong katulad ng dati, na handang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.” Sunod, dapat madalas kang manalangin sa puso mo, hinahanap ang patnubay ng Diyos at hinihiling na dagdagan Niya ang iyong lakas upang hindi ka na mapigilan ng bagay na ito. May mamatay mang isang malapit na kamag-anak o wala, dapat mong sangkapan ang iyong tayog para dito, tinitiyak na kapag may ganitong pangyayari, hindi ka magiging mahina, hindi ka magrereklamo sa Diyos, at hindi magbabago ang iyong determinasyon at pagnanais na igugol ang iyong sarili para sa Diyos kasama ang iyong buong katawan at isipan. Hindi ba’t ito ang saloobin na dapat mong taglayin? (Oo.) Pagdating sa mga bagay tulad ng pananaginip tungkol sa iyong mga ngiping natatanggal, hindi mo dapat ipagkaila na mayroong ganito o isantabi at balewalain ang mga ito, at lalong hindi ka dapat gumamit ng anumang kakaiba o depensibong pamamaraan para harapin ang mga ito. Sa halip, dapat mong hanapin ang katotohanan, lumapit sa harap ng Diyos nang tinatanggap ang Kanyang mga pamamatnugot; huwag kang gumawa ng mga walang kabuluhang sakripisyo o mga hangal na pagpapasya. Ang mga taong mangmang at mapagmatigas, kapag naharap sa isang bagay na hindi pa nila naranasan noon at hindi nila maunawaan, ay kadalasang nagsasabing, “Wala namang ganoon,” “Wala iyan,” “Hindi umiiral iyan,” o “Pamahiin lang iyan.” Ang ilang taong nananamplataya sa Diyos ay nagsasabi pa nga ng, “Nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako naniniwala sa mga multo” o “Nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako naniniwala kay Satanas. Walang Satanas!” Ginagamit nila ang mga pahayag na ito upang patunayan ang kanilang tunay na pananalig sa Diyos, sinasabing nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi sa mga multo, masasamang espiritu, pagsanib, o maging ang pagkakaroon ng espirituwal na mundo. Hindi ba’t sadyang sila ay mga hindi mananampalataya? (Oo, ganoon nga.) Hindi nila tinatanggap ang mga kasabihang iyon ng tradisyonal na kaisipan sa mundo ng mga walang pananampalataya, ni tinatanggap ang mga mapamahiing paliwanag o anumang katunayang nauugnay sa mga pamahiin. Ang hindi paniniwala sa mga bagay na ito ay hindi nangangahulugang walang ganito. Ngayon, hindi ito tungkol sa paghiling sa iyo na huwag maniwala, o na takasan o ipagkaila ang mga bagay na ito. Sa halip, ito ay tungkol sa pagtuturo sa iyo na magkaroon ng mga tamang kaisipan at pananaw kapag hinaharap ang mga bagay na ito, na gumawa ng mga tamang pasya at magkaroon ng tamang saloobin. Ito ang magiging tunay mong tayog, at ito ang dapat mong pasukan. Halimbawa, mayroong isang taong nananaginip na nalalagas ang kanyang buhok. Ang paglagas ng buhok sa panaginip ay itinuturing din na hindi magandang pangitain. Anuman ang mga kaugnay na interpretasyon o mga pangyayaring nagkatotoo, sa madaling salita, may mga negatibong paliwanag ang mga tao sa mga ganitong panaginip, at naniniwala silang nagpapahiwatig ito na magkakaroon ng masama o sawing pangyayari. Maliban sa mga ordinaryong panaginip na walang kasamang mahahalagang isyu, mayroong partikular na interpretasyon para sa mga espesyal na panaginip na iyon, at ang mga interpretasyong ito ay nagbabadya ng ilang pangyayari, na nagbibigay sa mga tao ng partikular na kabatiran, mga babala, o mga hula, ipinapaalam sa kanila kung ano ang mangyayari sa hinaharap o binibigyan sila ng tiyak na kamalayan, na nagsasabi sa mga tao kung ano ang mangyayari para maihanda nila ang kanilang sarili sa mental na aspekto. Anuman ang maaaring mangyari, para sa inyo, hindi ninyo dapat panghawakan ang mga saloobin ng pag-iwas, pagtanggi, depensa, o paglaban, o maging ang saloobin ng paggamit ng mga pamamaraang pantao para lutasin ang mga sitwasyong ito. Kapag nahaharap kayo sa mga ganitong sitwasyon, dapat kayong mas handang lumapit sa Diyos at hilingin sa Kanya na gabayan kayo, upang sa harap ng mga paparating na pangyayari ay magawa ninyong manindigan sa inyong patotoo at maiayon ang inyong pagsasagawa sa mga layunin ng Diyos, sa halip na tanggihan at labanan ito. Ang hilingin sa iyo na magsagawa nang ganito ay hindi nangangahulugang kinakailangan mong pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito; tinuturuan ka nito kung anong uri ng saloobin ang dapat mayroon ka para harapin ang mga ito at anong diskarte ang dapat mong gamitin sa paglutas nito kapag hindi maiiwasang mangyari ang mga ito. Ito ang dapat mong maunawaan. Sabihin mo sa Akin, hiniling sa iyo na huwag pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito, ngunit hindi ba’t nangyayari ang mga bagay na ito sa pang-araw-araw na buhay? (Oo.) Kung sinasabi mong hindi umiiral ang mga ganito, at pagkatapos ay nangyayari nga ang mga ito, maaari mo itong isaalang-alang at isipin, “Naku, kailangan kong paniwalaan ito, talaga ngang nagkatotoo ito!” Kung walang paunang paghahanda at tamang saloobin, kapag nangyari ang mga bagay na ito, magugulat ka na lang, hindi ka magiging handa sa anumang paraan, hindi mo malalaman kung paano magdasal sa Diyos o kung paano harapin ang sitwasyon, at hindi ka magkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos o ng tunay na pagpapasakop. Ang tanging mararamdaman mo sa huli ay takot. Habang mas lalo kang natatakot, mas lalong mawawalan ka ng presensiya ng Diyos; kapag nawala sa iyo ang presensiya ng Diyos, maaari ka na lamang humingi ng tulong sa ibang tao at iisipin mo ang lahat ng pamamaraang pantao para makatakas. Kapag hindi ka makatakas, magsisimula kang maniwala na hindi na mapagkakatiwalaan o maaasahan ang Diyos; sa halip, pakiramdam mo ay maaasahan ang mga tao. Patuloy na lalala ang mga bagay-bagay; bukod sa hindi ka na naniniwalang pamahiin ito, nagiging kakila-kilabot na rin ito sa paningin mo, isang sitwasyon na hindi mo makontrol. Sa puntong iyon, maaaring sasabihin mo na, “Hindi na nakapagtataka na ang mga walang pananampalataya at iyong mga naniniwala sa Budismo at nagsusunog ng insenso para sambahin si Buddha, ay palaging pumupunta sa mga templo, nagsusunog sila ng insenso, nagdarasal para sa mga pagpapala, tumutupad sa mga panata, nagiging vegetarian, at bumibigkas ng mga banal na kasulatan ng Budismo. Nagkakatotoo pala talaga ang mga bagay na ito!” Bukod sa mawawalan ka ng tunay na pagpapasakop at pananalig sa Diyos, magkakaroon ka rin ng takot sa masasamang espiritu at kay Satanas. Pagkatapos niyon, mararamdaman mong may obligasyon kang sundin sila kahit papaano at sasabihin mong, “Hindi dapat kalabanin ang masasamang espiritu na ito; hindi mabuti para sa iyo na hindi maniwala sa kanila, dapat kang mag-ingat sa paligid nila. Hindi mo maaaring sabihin ang anumang gusto mo sa likod nila: May mga taboo. Hindi dapat maliitin ang masasamang espiritung ito!” Sa likod ng mga pangyayaring ito, bigla mong mapagtatanto na may mga kapangyarihang gumagana sa labas ng materyal na mundo na hindi mo inaasahan. Kapag nararamdaman mo na ang mga bagay na ito, mapupuno ng takot at pag-iwas sa Diyos ang puso mo, at unti-unting mababawasan ang iyong pananalig sa Diyos. Kaya, pagdating sa mga usaping tulad ng pananaginip tungkol sa pagkatanggal ng mga ngipin o paglagas ng buhok, dapat kang magkaroon ng tamang saloobin. Anuman ang mga partikular na interpretasyon o hulang nauugnay sa mga kaganapang ito kapag nangyari ang mga ito sa iyo, ito lang ang kailangan mong gawin: Maniwala ka na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos at maging handang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos—ito ang saloobing dapat mayroon ka kapag nahaharap sa lahat ng usaping ito. Ito dapat ang paninindigan at patotoong mayroon ka bilang tagasunod ng Diyos, hindi ba? (Oo nga.) Maniwala ka na maaaring mangyari ang lahat ng ito at na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay; ito ang saloobing dapat mong itaguyod.

Ang ilang tao ay may mga taboo tungkol sa mga partikular na numero o espesyal na araw. Halimbawa, ang ilang taong matagal na sa negosyo ay nagbibigay ng malaking importansiya sa pagpapayaman, kaya may partikular silang gusto at pinahahalagahang mga numero na nauugnay sa pagpapayaman sa negosyo, at iniiwasan nila ang mga numero na pinaniniwalaan nilang maghahatid ng malas sa kanilang negosyo. Halimbawa, ang mga numerong 6 at 8 ay partikular na pinapaboran ng isang tao, ang numero sa pintuan ng kanyang tindahan ay 168, at ang tawag sa tindahan ay “Yi Lu Fa,” na nangangahulugang lubusang pagyaman, ang pagbigkas nito sa Mandarin ay katulad ng mga numerong 1, 6, at 8,[b] na mga masuwerteng numero sa alamat sa China. Sa kabilang banda, ang mga numerong 4 at 5 ay tinuturing na masama sa tradisyon ng China, dahil ang 4 ay nangangahulugang kamatayan at ang 5 ay nangangahulugang wala, kawalan, o kahungkagan, na nagpapahiwatig na maaaring hindi na makabawi ang isang tao sa kanyang dating puhunan o na hindi siya kikita ng pera. Maging ang mga plaka ng lisensiya ng ilang sasakyan ng mga taga-China ay may mga numerong 6 lahat, at kung makakakita ka ng isang hanay ng numerong 6, kadalasan ay isang taga-China ang may-ari. Sino ang nakakaalam kung gaano kalaking yaman na ang naipon nila sa paggamit ng napakaraming numerong 6? Isang beses sa isang paradahan, halos lahat ng espasyo ay okupado na maliban sa isa, na may numerong 64. Alam mo ba kung bakit walang pumarada sa espasyong iyon? (Ang 64 ay maaaring nangangahulugang kamatayan at itinuturing itong malas.) Ang 64 ay nangangahulugang kamatayan sa kalsada. Noong oras na iyon, hindi Ko alam kung bakit walang nagparada sa espasyong iyon, pero kalaunan ay narinig Ko ito mula sa mga walang pananampalataya at naintindihan Ko na. Ang 6 ay parang “kalsada” kung pakikinggan at ang 4 ay parang “kamatayan,” kaya ang 64 ay parang “kamatayan sa kalsada” kung pakikinggan ito sa Mandarin, kaya walang mga taong pumarada roon. Sa palagay Ko, malamang na binago nila ang numero ng espasyong iyon kalaunan sa numerong 68, na kung pakikinggan ay parang “lubusang pagyaman” sa Mandarin. Ang mga tao ay sobrang nahuhumaling sa pera na sila ay lubusan nang nakatutok dito. Kaya ba talagang baguhin ng isang numero ang anumang bagay? Ang mga kasabihan ng mga tao sa China tungkol sa mga numerong ito ay nakaimpluwensiya pa nga sa mga dayuhan. Noong tumitingin kami sa mga bahay, tinanong kami ng isang ahente sa real estate, “Mayroon ba kayong anumang taboo tungkol sa mga partikular na numero? Halimbawa, kung ang numero ng pinto ng bahay ay 14, masama ba ito dahil sa 4?” Sabi Ko, “Hindi Ko kailanman naisip iyan. Wala Akong alam sa kasabihang ito.” Sabi niya, “Maraming taga-China ang tumatangging ikonsidera ang isang bahay dahil mayroon itong 4 sa numero ng pinto.” Sabi Ko, “Wala kaming anumang taboo tungkol sa mga numero. Ikinokonsidera lamang namin ang posisyon, lokasyon, ilaw, bentilasyon, istraktura ng bahay, kalidad, at iba pang bagay na tulad nito. Wala kaming pakialam sa mga numero; wala kaming anumang taboo.” Kaya, sa tingin mo ba ay talagang may mangyayaring masama kung ang mga walang pananampalataya ay may mga taboo tungkol sa mga partikular na numero? (Hindi sa ganoon.) Hindi natin alam ang tungkol sa iba pang bansa sa labas ng China, tulad ng South Korea, Japan, Philippines, o ilang bansa sa Timog-Silangang Asya, kung ano ang kanilang mga detalye tungkol sa mga numero. Sa madaling salita, ang mga tao ng bawat bansa ay maselan tungkol sa ilang partikular na numero. Halimbawa, hindi gaanong interesado sa numerong 6 ang mga Amerikano. Ayaw ng mga taga-Kanluran ang 6 dahil sa isang kulturang panrelihiyon, dahil ang numerong 6 na nabanggit sa Aklat ng Pahayag sa Bibliya ay may mga negatibong konotasyon. Mayroon ding numerong 13, na hindi rin gusto ng mga taga-Kanluran. Maraming elevator ang walang ganoong palapag dahil itinuturing nilang malas ang numerong iyon. Sa kabilang dako, naniniwala ang mga taga-China na ang 6 at 8 ay mga swerteng numero. Kaya, aling kasabihan ang katotohanan? (Wala sa mga ito.) Mahalaga ba sa inyo ang anumang partikular na numero? Mayroon ba kayong sariling swerteng numero? (Wala.) Mabuti iyan. Ang mga tao sa Timog China ay partikular na binibigyang-pansin ang mga bagay tulad ng kung ang isang numero ay swerte o hindi, pinipili nila ang tamang petsa para sa anumang gagawin nila, at sinusunod nila ang mga ipinagbabawal sa pagkain sa panahon ng mga pagdiriwang—lalo silang maselan tungkol dito. Pero ang usapin tungkol sa mga numero ay tiyak na hindi makakapagpaliwanag sa anumang bagay. Ang pag-iwas ng mga tao sa ilang partikular na numero ay nauugnay sa kanilang mga paniniwala, imahinasyon, at mga kaisipan at kuru-kuro. Ang lahat ng ito ay mga hangal na kaisipan at pananaw. Kung ikinintal sa iyo ng iyong pamilya ang mga ganitong kaisipan at pananaw, dapat mong bitiwan at hindi paniwalaan ang mga ito. Mas lalong kakatwa ang mga ideyang ito—ni hindi nga pamahiin ang mga ito—at binubuo ang mga ito ng mga katawa-tawa at walang katuturang kasabihan ng mga tao sa lipunan na gutom sa pera.

May ilang taong nagbibigay ng malaking importansiya sa mga zodiac sign, at may kinalaman ang usaping ito sa pamahiin. Sa panahon ngayon, kahit ang mga taga-Kanluran ay nag-uusap tungkol sa mga zodiac sign, kaya huwag mong isipin na ang mga taga-Asya lang ang may alam tungkol dito. Alam din ng mga taga-Kanluran ang tungkol sa kuneho, baka, daga, at kabayo. Ano pa? Ahas, dragon, manok, at tupa, hindi ba? Halimbawa, ipinamamana ng mga ninuno at mga magulang ang paniniwala na ang mga taong may zodiac sign na Tupa ay may sumpa sa buhay. Kung ikaw ay isang Tupa, maaaring iisipin mo na, “May sumpa ang buhay ko, lagi akong dumaranas ng kasawian. Mayroon akong masamang asawa, mga pasaway na anak, at hindi maayos ang takbo ng aking trabaho. Hindi ako kailanman na-promote, at wala akong natatanggap na bonus. Palagi na lang akong malas. Kung magkakaanak ako ng isa pa, hindi dapat sa Taon ng Tupa. Mayroon nang isang miyembro sa pamilya na may zodiac sign na Tupa na isinumpa ang buhay; kung isisilang ko ang isa pang may Tupa na zodiac sign, magiging dalawa kami. Paano kami mabubuhay nang ganoon?” Isinasaalang-alang mo ang usapin, iniisip na, “Talagang hindi ako pwedeng magkaroon ng anak sa Taon ng Tupa, kaya, anong taon ang dapat kong tutukan? Dragon? Ahas? Tigre?” Kung ipinanganak ka sa Taon ng Dragon, ibig bang sabihin nito ay dragon ka talaga? Talaga bang maaari kang maging isang emperador? Hindi ba’t walang katuturan iyon? Gusto ba ninyong magkaroon ng mga ganitong zodiac sign? May mga taong nagsasabi na, “Ang mga ipinanganak sa Taon ng Kuneho at sa Taon ng Manok ay hindi nagkakasundo. Isa akong Kuneho, kaya dapat kong iwasang makipag-ugnayan sa isang Manok. Hindi magkaayon ang aming zodiac sign, at magkasalungat ang aming tadhana. Sinasabi ng mga magulang ko na hindi kami bagay na magpakasal at hindi kami magkakasundo. Mas mabuti nang hindi gaanong makipag-ugnayan sa kanila, hindi makipag-usap o makisalamuha. Magkasalungat ang aming tadhana, at kung magkasama kami, hindi ko malalampasan ang mga ito, at iikli ang buhay ko, hindi ba? Kailangan kong lumayo sa mga gayong tao.” Ang mga taong ito ay naiimpluwensiyahan ng mga kasabihang ito. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo, ganoon nga.) Sa madaling salita, sumasalungat man ang iyong tadhana sa isang taong may partikular na zodiac sign, talaga bang magkakaroon ito ng epekto sa iyong kapalaran? Makakaapekto ba ito sa iyong pagtahak sa tamang landas sa buhay? (Hindi, hindi ito makakaapekto.) May ilang tao na payag lamang magtrabaho, makipagtulungan, at mamuhay kasama ang isang taong kaayon ng kanilang zodiac sign. Nang hindi namamalayan, sa kaibuturan ay apektado sila ng mga kasabihang ito, at may tiyak na puwang sa puso nila ang mga kasabihang ito na ipinamana ng kanilang mga magulang o mga ninuno. Kita mo, ang mga tao sa Silangan ay binibigyang-halaga ang mga zodiac sign, samantalang ang mga nasa Kanluran ay binibigyang-halaga ang mga astrological sign. Ngayon, ang mga tao sa Silangan na nakikisabay sa panahon ay nagsisimula nang magsalita tungkol sa mga astrological sign, tulad ng Scorpio, Virgo, Sagittarius, at iba pa. Halimbawa, natututunan ng isang taong Sagittarius kung ano ang kanyang personalidad at madalas nilang nakakasundo ang mga taong may partikular na astrological sign. Kapag nalaman niyang ganoon ang astrological sign ng isang tao, handa siyang makisalamuha sa taong ito, iniisip niyang kamangha-mangha ito at mayroon siyang magandang impresyon dito. Naimpluwensiyahan din siya ng mga tradisyon ng pagkokondisyon ng pamilya. Ito man ay zodiac sign ng Silangan o astrology ng Kanluran, kung tunay mang umiiral ang pagkakasalungat ng tadhana o ang pagiging hindi kaayon ng mga sign, at kung mayroon bang anumang epekto sa iyo ang mga ito, dapat mong maunawaan kung anong pananaw ang dapat panghawakan tungkol sa mga ito. Ano ang dapat mong maunawaan? Ang oras ng kapanganakan ng isang tao, ang dekada ng pagkapanganak sa kanya, ang buwan at oras ng kapanganakan niya—lahat ng ito ay may kaugnayan sa tadhana ng isang tao. Anuman ang sabihin ng mga manghuhula o mambabasa ng mukha tungkol sa iyong tadhana, sa iyong astrological sign, o kung ang zodiac sign mo ay mabuti o hindi, gaano man katumpak ang mga ito—eh ano ngayon? Ano ang ipinaliliwanag nito? Hindi ba’t mas lalo nitong pinatutunayan na ang buhay mo ay isinaayos na ng Diyos? (Oo.) Ano man ang magiging takbo ng iyong pag-aasawa, saan ka titira, anong mga uri ng tao ang magiging kasama mo, gaano karaming materyal na yaman ang matatamasa mo sa iyong buhay, magiging mayaman ka man o mahirap, gaano karaming paghihirap ang titiisin mo, ilan ang magiging anak mo, at ano ang magiging kapalaran mo sa pinansiyal—ang lahat ng ito ay inorden na. Maniwala ka man o hindi rito, kung kinakalkula man ito para sa iyo ng mga manghuhula o hindi, pareho lang naman ang magiging resulta. Mahalaga ba ang malaman ang mga bagay na ito? May mga tao na talagang sabik na makaalam, “Ano kaya ang magiging kapalaran ko sa hinaharap? Magiging mahirap ba ako o mayaman? Makakatagpo ba ako ng mapagsamantalang mga tao? May mga tao ba na makakasalungat ng kapalaran ko? Makakatagpo ba ako ng mga taong makakaaway sa buhay ko? Sa anong edad ako mamamatay? Mamamatay ba ako sa sakit, pagod, uhaw, o gutom? Paano ako mamamatay? Magiging masakit ba ito o nakakahiya?” Kapaki-pakinabang ba na malaman ang mga bagay na ito? (Hindi.) Sa kabuuan, kailangan mo lamang makatiyak sa isang bagay tungkol sa usaping ito: Ang lahat ay inorden ng Diyos. Anuman ang iyong zodiac o astrological sign, o ang oras at petsa ng iyong kapanganakan, ang lahat ay itinakda na ng Diyos. Dahil lahat ay itinakda na, ang kasaganahan at kayamanang mararanasan mo sa iyong buhay, pati na rin ang kapaligirang titirhan mo, ay itinakda na ng Diyos bago ka pa man ipanganak, hindi mo kailangang harapin ang mga usaping ito nang may kasamang pamahiin o mula sa perspektiba ng mga makamundong tao, pinanghahawakan ang ilang partikular na pamamaraan para maiwasan ang mga malas na sandali o ginagawa ang ilang hakbang para ingatan at panatilihin ang masusuwerteng sandali. Hindi dapat ganito ang paraan ng pagharap mo sa tadhana. Halimbawa, kung itinakda sa iyo na magkaroon ng malubhang sakit sa isang partikular na edad, at ipinapaalam ito sa iyo ng mga mambabasa ng mukha batay sa iyong astrological sign, zodiac sign, o oras ng kapanganakan, ano ang gagawin mo kung gayon? Matatakot ka ba, o susubukan mo bang maghanap ng paraan para malutas ang problema? (Hayaan ang nakatakdang mangyari at magpasakop sa pamamatnugot ng Diyos.) Ito ang saloobin na dapat panghawakan ng mga tao. Anuman ang mayroon o wala sa iyong tadhana, lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Sa ayaw mo at sa gusto, handa ka mang tanggapin ito o hindi, kaya mo mang harapin ito o hindi, ano’t anuman, lahat ng ito ay inorden na ng Diyos. Ang saloobing dapat mong itaguyod ay ang pagtanggap sa mga katunayang ito bilang isang nilikha. Nangyari man ito o hindi pa, handa ka mang harapin ito o hindi, dapat mong tanggapin at harapin ito bilang isang nilikha, sa halip na gumugol ng lakas o humingi ng payo mula sa iba tungkol sa mga bagay tulad ng astrolohiya, mga zodiac sign, o pagbabasa ng mukha, o paghahanap ng iba’t ibang paraan upang malaman kung ano ang mangyayari sa iyong hinaharap at maiiwasan ito sa lalong madaling panahon. Maling tratuhin ang kapalaran at buhay na isinaayos ng Diyos para sa iyo nang may ganitong saloobin. May ibang tao na naghahanap ang mga magulang ng manghuhula para sa kanila, na nagsasabi sa kanila na, “Batay sa iyong astrological sign, pati na rin sa iyong Chinese zodiac sign at oras ng kapanganakan, hindi mo dapat hayaan ang apoy sa buhay mo.” Pagkatapos marinig ito, tinatandaan at pinaniniwalaan nila ito, at kalaunan ay nagiging isang normal na taboo na ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, kung ang pangalan ng isang tao ay naglalaman ng salitang “apoy,” hindi sila makikipag-ugnayan sa taong iyon, at kahit na makipag-ugnayan sila rito, hindi sila magiging malapit sa taong ito o hindi sila magkakaroon ng anumang malapit na ugnayan dito. Matatakot sila rito at iiwasan ito. Halimbawa, kung ang pangalan ng isang tao ay Li Can, pag-iisipan nila ito, “Ang letrang ‘Can’ ay naglalaman ng isang radikal na ‘apoy’ at isang ‘bundok’: Masama iyon, naroon ang radikal na letrang ‘apoy’ rito, kaya hindi ako puwedeng makipag-ugnayan sa kanya—kailangan kong dumistansiya.” Matatakot silang makipag-ugnayan sa taong ito. Sa abot ng kanilang makakaya, iiwasan nila ang kalan sa kusina sa tahanan, hindi sila sasali sa mga hapunang may kandila, hindi dadalo sa mga bonfire party, o kaya’y hindi pupunta sa mga bahay na mayroong fireplace, dahil lahat ito ay may kaugnayan sa apoy. Kung gusto nilang maglakbay, at mabalitaan nila na may bulkan sa isang partikular na lugar, hindi sila pupunta roon. Kapag naglalakbay sila sa isang lugar para ipalaganap ang ebanghelyo, kinakailangan nilang magtanong tungkol sa apelyido at pangalan ng taong babahaginan nila ng ebanghelyo, at sisiguraduhing walang letrang “apoy” ang pangalan ng taong iyon, ngunit kung ang taong iyon ay isang panday na gumagawa ng bakal sa bahay, tiyak na hindi sila pupunta. Bagamat naniniwala sila sa kanilang kamalayan na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos at alam nilang hindi sila dapat matakot, sa sandaling maharap sila sa mga ganitong usapin na taboo, nagsisimula silang mag-alala at matakot, at hindi sila nangangahas na lumabag sa taboo. Palagi silang natatakot na may mangyayaring aksidente at sakunang hindi nila kakayanin. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Maaaring sila ay masunurin, nagtitiis ng paghihirap, at nagbabayad ng halaga sa ibang aspekto, ngunit ang usaping ito ang isang bagay na hindi nila kayang tiisin. Halimbawa, kung may magsasabi sa kanila na, “Hinding-hindi ka pwedeng tumawid ng tulay sa buong buhay mo. Kung tatawid ka ng tulay, may aksidenteng mangyayari. Kung tatawid ka ng ilang tulay, mas lalo pa iyong delikado, at manganganib ang buhay mo,” matatandaan nila ang mga salitang ito, at pagkatapos, papasok man sila sa trabaho o makikipagkita sa mga kaibigan, o kahit dumadalo sa mga pagtitipon, iiwasan nila ang mga tulay at sa iba na dadaan, natatakot na baka malabag nila ang taboo. Hindi sila naniniwalang mamamatay sila nang ganoon-ganoon na lang, pero nababagabag sila ng bagay na ito. Paminsan-minsan, wala silang magawa kundi tumawid ng tulay, at pagkatapos tumawid, sinasabi nila, “Naniniwala ako na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung hindi pahihintulutan ng Diyos na mamatay ako, hindi ako mamamatay.” Gayunpaman, nababagabag pa rin ang puso nila sa bagay na ito, at hindi nila ito maiwaksi. May ilan na nagsasabing ang tubig ay sumasalungat sa kanilang kapalaran, kaya iniiwasan nilang lumapit sa mga batis o balon. May isang kapatid na may swimming pool sa kanyang bakuran, kaya hindi sila pumunta sa kanyang bahay para sa mga pagtitipon, at nang magpalit sila ng ibang host na may aquarium sa bahay, hindi rin sila pumunta roon. Hindi sila pupunta sa anumang lugar na may tubig at hindi hahawak ng tubig ito man ay umaagos o patay na tubig. Sa pang-araw-araw na buhay, ang mga kakatwang kasabihan mula sa pagkokondisyon ng pamilya ay may kasamang tradisyonal na kultura at pamahiin. Sa ilang antas, naaapektuhan ng mga kasabihang ito ang mga pananaw ng mga tao sa ilang partikular na usapin, at naaapektuhan din ang kanilang pang-araw-araw na kaugalian o pamumuhay. Sa partikular na antas, ginagapos nito ang mga kaisipan ng mga tao at kinokontrol ang kanilang mga prinsipyo at wastong pamamaraan sa paggawa ng mga bagay-bagay.

Sinasabi ng ilang tao na, “Kung ang mga tradisyon at pamahiing ito ay nabibilang sa mga partikular na tradisyonal na kaisipan at pamahiin sa labas ng Kristiyanismo, dapat nating batikusin at bitiwan ang mga ito. Ngunit pagdating sa mga partikular na kaisipan, pananaw, tradisyon, o pamahiin ng mga ortodoksong relihiyon, hindi ba’t dapat bitiwan ng mga tao ang mga ito? Hindi ba’t dapat ituring ang mga ito bilang isang pagdiriwang o isang pamumuhay na dapat gunitain at itaguyod sa ating pang-araw-araw na buhay?” (Hindi, dapat nating bitiwan ang pareho dahil ang mga ito ay hindi mula sa Diyos.) Halimbawa, ang pinakamalaking pagdiriwang na nagmumula sa Kristiyanismo ay ang Pasko—mayroon ba kayong alam tungkol dito? Sa panahon ngayon, ang ilang malalaking lungsod sa Silangan ay nagdiriwang din ng Pasko, nagpaplano ng mga salo-salo para sa Pasko, at nagdiriwang ng Bisperas ng Pasko. Bukod sa Pasko, mayroon ding Easter at Paskuwa, na parehong malalaking relihiyosong pagdiriwang. Ang ilang pagdiriwang ay may kasamang pagkain ng pabo at barbecue, samantalang ang iba naman ay may kasamang pagkain ng mga kending baston, na kulay pula at puti, na sumisimbolo sa pinakamamahal na dugo ng Panginoong Jesus bilang handog para sa kasalanan ng mga tao, na ginagawa silang banal. Ang pula ay kumakatawan sa pinakamamahal na dugo ng Panginoong Jesus, ang puti ay kumakatawan sa kabanalan, at kinakain ng mga tao ang ganitong klase ng kendi. Mayroon ding tradisyon ng pagkain ng mga Easter egg sa Easter. Lahat ng pagdiriwang na ito ay nauugnay sa Kristiyanismo. Mayroon ding mga partikular na imahen ng Kristiyanismo, tulad ng mga larawan ni Maria, Jesus, at ng krus. Ang mga bagay na ito ay nabuo mula sa Kristiyanismo at, sa Aking opinyon, ang mga ito ay isang uri din ng tradisyon. Sa likod ng mga tradisyong ito, tiyak na mayroong mga kasamang pamahiin. Anuman ang nilalaman ng mga mapamahiing kasabihang ito, sa madaling salita, hangga’t ang mga ito ay hindi kinapapalooban ng katotohanan, landas na tinatahak ng mga tao, o mga hinihingi ng Diyos para sa mga nilikha, walang kinalaman ang mga ito sa dapat ninyong pasukin ngayon, at dapat ninyong bitiwan ang mga ito. Ang mga ito ay hindi dapat ituring na banal at na hindi malalabag, siyempre, hindi rin kailangang kamuhian ang mga ito—tratuhin lamang ang mga ito nang tama. May kinalaman ba sa atin ang mga pagdiriwang na ito? (Wala.) Walang kinalaman ang mga ito sa atin. Minsan Akong tinanong ng isang dayuhan, “Nagdiriwang ba kayo ng Pasko?” Sabi Ko, “Hindi.” “Eh, nagdiriwang ba kayo ng Chinese New Year? Spring Festival?” Sabi Ko naman, “Hindi.” “Kung gayon, ano ang mga ipinagdiriwang ninyo?” Sabi Ko, “Wala kaming anumang pagdiriwang. Pare-pareho lang ang bawat araw para sa amin. Kumakain kami ng kahit anong gusto namin sa alinmang araw, hindi dahil sa mga pagdiriwang. Wala Akong mga tradisyon.” Tinanong niya Ako, “Bakit?” Sabi Ko, “Walang dahilan. Ang paraang ito ng pamumuhay ay napakalaya, walang anumang hadlang. Namumuhay kami nang walang anumang pormalidad, sinusunod lamang ang mga panuntunan, kumakain, nagpapahinga, nagtatrabaho, at kumikilos nang ayon sa oras at sukat na ibinigay ng Diyos, nang natural at malaya, walang anumang pormalidad.” Siyempre, pagdating sa isang espesyal na relihiyosong bagay, ang krus, may ilang taong naniniwala na ito ay banal. Ang krus ba ay banal? Mailalarawan ba ito na banal? Banal ba ang imahen ni Maria? (Hindi, hindi ito banal.) Banal ba ang imahen ni Jesus? Hindi kayo masyadong naglalakas-loob na sabihin ito. Bakit hindi banal ang imahen ni Jesus? Dahil ito ay ipininta ng mga tao, hindi ito ang tunay na wangis ng Diyos at wala itong kinalaman sa Diyos. Ito ay isang ipinintang larawan lamang. Bukod pa sa imahen ni Maria. Walang sinumang nakakaalam kung ano ang hitsura ni Jesus, kaya’t bulag lamang nila Siyang ginuguhit, at kapag natapos na ang ipinintang larawan, hinihiling nila sa iyo na sambahin ito. Hindi ba’t magiging mangmang ka lang para sambahin mo iyon? Ang Diyos ang Nag-iisang dapat mong sambahin. Hindi ka dapat gumawa ng pormal na pagpapakita ng pagyukod sa isang idolo, litrato o larawan; hindi ito tungkol sa pagyukod sa harap ng isang gamit. Dapat mong sambahin ang Diyos at tingalain Siya sa puso mo. Dapat magpatirapa ang mga tao sa harap ng mga salita ng Diyos at sa Kanyang tunay na persona, hindi sa harap ng krus o ng mga imahen ni Maria o Jesus, na pawang mga idolo lamang. Ang krus ay isang simbolo lamang ng ikalawang hakbang ng gawain ng Diyos. Wala itong kinalaman sa disposisyon ng Diyos, sa Kanyang diwa, o sa mga hinihingi Niya para sa sangkatauhan. Hindi ito kumakatawan sa imahen ng Diyos, lalo na sa Kanyang diwa. Kaya, ang pagsusuot ng krus ay hindi kumakatawan sa iyong takot sa Diyos, o na mayroon kang anting-anting na pamproteksiyon. Hindi Ko kailanman kinatawan ang krus. Wala akong anumang simbolo ng krus sa Aking tahanan, walang mga ganitong bagay. Kaya, pagdating sa hindi pagdiriwang ng Pasko at Easter, maaaring madaling bitiwan ng mga tao ang mga bagay na ito, ngunit kung may kinalaman dito ang mga aspektong panrelihiyon tulad ng krus, mga imahen ni Maria at ni Jesus, o maging ng Bibliya, kapag sinabi mo sa kanila na itapon ang isang krus o isang imahen ni Maria o Jesus, iisipin nila na, “Naku, masyado na iyong walang galang o, napakawalang-galang. Bilisan mo, humingi ka ng kapatawaran sa Diyos, ng kapatawaran….” Pakiramdam ng mga tao ay magkakaroon ng mga kahihinatnan. Siyempre, hindi mo kailangang sadyang gumawa ng anumang nakakasira sa mga gamit na ito, hindi mo rin kailangang magkaroon ng anumang respeto sa mga ito. Mga gamit lamang ang mga ito at walang kinalaman sa diwa o pagkakakilanlan ng Diyos. Dapat mo itong malaman. Siyempre, pagdating sa mga pagdiriwang ng Pasko at Easter na itinakda ng mga tao, walang kinalaman ang mga ito sa pagkakakilanlan o diwa ng Diyos, sa Kanyang gawain, o sa Kanyang mga hinihingi para sa mga tao. Kahit na magdiwang ka ng isang daan o sampung libong Pasko, kahit gaano karaming buhay mo ipagdiriwang ang Pasko o Easter, hindi ito kapalit ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi mo kailangang hangaan ang mga bagay na ito at sabihing, “Kailangan kong maglakbay patungong Kanluran. Sa Kanluran, pwede akong magdiwang ng Pasko. Ang Pasko ay banal. Ang Pasko ay isang araw para gunitain ang gawain ng Diyos. Ito rin ay isang araw na dapat tayong maggunita. Dapat tayong maging taimtim sa araw na iyon. Ang Easter ay higit na isang araw na umaakit sa atensiyon ng lahat. Isa itong araw para gunitain ang muling pagkabuhay ng Diyos na nagkatawang-tao mula sa mga patay. Dapat tayong sama-samang magsaya, magdiwang at bumati sa isa’t isa sa ganitong araw, ginugunita ang araw na ito magpakailanman.” Ang mga ito ay imahinasyon lahat ng tao, hindi kailangan ng Diyos ang mga ito. Kung kinailangan ng Diyos na gunitain ng mga tao ang mga araw na ito, sasabihin Niya sa iyo ang eksaktong taon, buwan, araw, oras, minuto at segundo. Kung hindi Niya sinabi sa iyo ang eksaktong taon, buwan, at araw, ipinapahiwatig nito sa iyo na hindi kailangan ng Diyos na gunitain ng mga tao ang mga araw na ito. Kung talagang ginugunita mo ito, malalabag mo ang mga pagbabawal ng Diyos at hindi Niya ito magugustuhan. Ayaw ng Diyos dito ngunit pinipilit mong gawin ito, at sinasabing sinasamba mo ang Diyos. Kaya lalo pang nasusuklam sa iyo ang Diyos, at karapat-dapat kang mamatay. Naiintindihan mo ba? (Naiintindihan ko.) Kung gusto mong idaos ang mga pagdiriwang na ito ngayon, hindi ka papansinin ng Diyos, at sa malao’t madali ay magbabayad ka ng halaga at mananagot para sa iyong mga maling pagkilos. Kaya, sinasabi Ko sa iyo, mas mahalaga para sa iyo na tunay na maunawaan ang isa sa mga salita ng Diyos at sumunod sa Kanyang mga salita kaysa magpatirapa ka at yumukod sa harap ng krus kahit gaano karaming beses. Kahit gaano karaming beses mo ito gawin, wala itong silbi at hindi nangangahulugan na sinusunod mo ang daan ng Diyos, tinatanggap ang Kanyang mga salita, o ginagawa ang mga bagay ayon sa mga prinsipyong hinihingi Niya. Hindi ito matatandaan ng Diyos. Kaya kung sa pakiramdam mo ay talagang banal ang krus, mula sa araw na ito, dapat mong bitiwan ang kaisipan at pananaw na ito at itapon ang iyong itinatanging krus palabas sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi ito kumakatawan sa Diyos, at ang pagsamba rito ay hindi nangangahulugan na isa kang deboto. Ang pagpapahalaga rito, pagtatangi rito, o maging ang pagpapasan dito sa mga balikat mo buong araw ay hindi nangangahulugang sinasamba mo ang Diyos. Ang krus ay isa lamang kasangkapan na ginamit sa isang hakbang ng gawain ng Diyos, at wala itong kaugnayan sa diwa, disposisyon, o pagkakakilanlan ng Diyos. Kung iginigiit mong sambahin ang krus na para bang ito ang Diyos, ito ang kinapopootan ng Diyos. Bukod sa hindi ka tatandaan ng Diyos, itataboy ka rin Niya. Kung iginigiit mo ito at sinasabing, “Hindi ako makikinig sa Iyo. Ang krus ay banal at hindi malalabag sa aking mga mata. Hindi ko pinaniniwalaan o tinatanggap ang mga salita Mo na hindi importante ang krus at na hindi ito kumakatawan sa Diyos,” kung gayon, maaari kang kumilos ayon sa tingin mong naaakma at tingnan mo kung ano ang iyong mapapala sa huli. Matagal nang bumaba sa krus ang Diyos. Ito ang pinakahindi-kapansin-pansing kasangkapan na ginamit sa isang hakbang ng gawain ng Diyos. Isa lamang itong gamit at walang halaga sa mga mata ng Diyos para ingatan. Siyempre, hindi mo kailangang itangi, mahalin, o maging tingalain o respetuhin man lang ito. Lahat ito ay hindi kinakailangan. Ang Bibliya ay lubos ding itinatangi sa puso ng mga tao. Bagamat hindi na nila binabasa ang Bibliya, mayroon pa rin itong tiyak na puwang sa puso nila. Hindi pa rin nila kayang ganap na bitiwan ang kanilang mga pananaw sa Bibliya na ipinamana mula sa kanilang pamilya o mga ninuno. Halimbawa, minsan kapag isinasantabi mo ang Bibliya, maaaring iisipin mo na, “Naku, ano bang ginagawa ko? Bibliya iyon. Dapat itong pahalagahan ng mga tao! Ang Bibliya ay banal at hindi dapat labis na ipagsawalang-bahala, na parang isa lamang itong ordinaryong aklat. Napakarami na nitong alikabok at walang sinumang nag-abalang linisin ito. Nakayupi na ang mga gilid ng libro at walang sinumang nag-ayos sa mga ito.” Dapat bitiwan ng mga tao ang ganitong uri ng kaisipan at pananaw ng pagtrato sa Bibliya na para bang isa itong banal at hindi malalabag na bagay.

Ang mga tradisyon at pamahiing ito mula sa pamilya na kakatalakay lang natin, pati na ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, at pamumuhay na kaugnay sa relihiyon, gayundin ang mga bagay na may pamahiin ang mga tao, o na kanilang hinahangaan o pinahahalagahan, lahat ng ito ay nagkikintal ng ilang maling pamumuhay, kaisipan, at pananaw sa mga tao, at hindi namamalayang inililigaw sila sa kanilang mga buhay, kanilang mga kabuhayan, at pag-iral. Sa pang-araw-araw na buhay, ang resultang pagkaligaw na ito ay hindi sinasadyang makakagambala sa mga tao sa kanilang pagtatangkang tanggapin ang mga tamang bagay, mga positibong kaisipan, at mga positibong bagay, at pagkatapos ay hindi nila sinasadyang gagawin ang ilang bagay na hangal, hindi makatwiran, at parang bata. Dahil dito, kinakailangang magkaroon ang mga indibidwal ng tumpak na pananaw, at mga tumpak na kaisipan at palagay sa mga bagay na ito. Kung may isang bagay na kinapapalooban ng katotohanan at umaayon dito, dapat kang tumanggap, magsagawa at magpasakop dito bilang isang prinsipyong susundin sa iyong buhay at pag-iral. Gayunpaman, kung hindi ito kinapapalooban ng katotohanan at isa lamang itong tradisyon o pamahiin, o na nagmumula lamang ito sa relihiyon, kailangan mong bitiwan ito. Panghuli, ang paksang pinagbabahaginan natin ngayon ay katangi-tangi dahil sa mga bagay na ito na nauugnay sa mga tradisyon, pamahiin, at relihiyon, kinikilala mo man ang mga ito o hindi, naranasan mo man ang mga ito o hindi, o gaano mo man kinikilala ang mga ito, sa madaling salita, may mga partikular na kasabihan sa tradisyon at pamahiin na umiiral kung ang pag-uusapan ay mga obhetibong katunayan, at sa ilang antas, nakakaapekto at nakakagambala sa pang-araw-araw na buhay ng sangkatauhan. Kung gayon, paano ninyo dapat tingnan ang usaping ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Kailangan mong maniwala rito. Kung hindi mo susundin ang sinasabi nito, magkakaroon ng mga kahihinatnan—ano ang gagawin mo kung gayon?” Alam mo ba ang pinakamalaking pagkakaiba ng mga mananampalataya at ng mga hindi mananampalataya? (Ang pinakamalaking pagkakaiba ay na ang mga nananampalataya ay nagtitiwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, samantalang ang mga hindi mananampalataya ay palaging nagtatangkang baguhin ang kanilang kapalaran nang sila lang mismo.) Ang isa pang punto ay na ang mga nananampalataya ay may presensiya at proteksiyon ng Diyos, kaya hindi sila maaapektuhan nitong iba’t ibang mapamahiing penomena na umiiral sa totoong buhay. Ngunit ang mga hindi mananampalataya, dahil wala silang proteksiyon ng Diyos at hindi sila naniniwala sa alinman sa Kanyang proteksiyon o kataas-taasang kapangyarihan, ay kinokontrol ng iba’t ibang maruming demonyo at masasamang espiritu sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Kaya, kinakailangan nilang bigyang-pansin ang mga taboo sa lahat ng kanilang ginagawa. Saan nanggagaling ang mga taboo na ito? Galing ba sa Diyos ang mga ito? (Hindi.) Bakit nila kailangang iwasan ang mga bagay na ito? Paano nila nalalaman na dapat silang umiwas sa mga ito? Ito ay dahil naranasan na ng ilang tao ang mga bagay na ito, nagkamit ng ilang karanasan at aral mula sa mga ito, at pagkatapos ay ipinalaganap ang mga ito sa mga tao. Ang mga karanasan at aral na ito ay malawakang ipinalaganap pagkatapos, na lumilikha ng isang uri ng kalakaran sa gitna ng mga tao, at ang lahat ay nagsisimulang mamuhay at kumilos nang ayon dito. Paano nagkaroon ng ganitong kalakaran? Kung hindi mo susundin ang mga patakaran na itinakda ng masasamang espiritu at maruruming demonyo, aabalahin ka nila, gagambalain, at guguluhin ang iyong normal na buhay, pipilitin kang maniwala na umiiral ang mga taboo na ito at na magkakaroon ng mga kahihinatnan kung lalabag ka sa mga ito. Sa paglipas ng libo-libong taon, naipon ng mga tao ang mga karanasang ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ipinapasa ang mga ito sa sunod-sunod na mga henerasyon, at natutuhan ng mga tao na mayroong isang di-nakikitang puwersa na kumokontrol sa kanila sa likod ng eksena, at dapat nila itong pakinggan. Halimbawa, kung hindi ka magpapaputok tuwing Chinese New Year, hindi magiging maayos ang takbo ng iyong negosyo sa taong ito. Isa pang halimbawa ay kung sisindihan mo ang unang insenso tuwing Bagong Taon, magiging maayos ang takbo ng lahat ng bagay sa buong taon mo. Ang mga karanasang ito ay nagtuturo sa mga tao na kailangan nilang paniwalaan ang mga pamahiin at ang mga kasabihang ito na nagmumula sa kulturang katutubo, at sa sunod-sunod na henerasyon, ang mga tao ay namumuhay nang ganito. Ano ang sinasabi ng mga penomenang ito sa mga tao? Sinasabi nila sa mga tao na ang mga pagbabawal at taboo na ito ay pawang mga karanasang naiipon ng mga tao sa buhay sa paglipas ng panahon, at na ang mga ito ay mga bagay na kailangang gawin ng mga tao, mga bagay na dapat nilang gawin dahil mayroong ilang di-nakikitang puwersa na kumokontrol sa lahat sa likod ng mga eksena. Sa bandang huli, mula sa sunod-sunod na henerasyon, sinusunod ng mga tao ang mga panuntunang ito. Ang mga taong hindi nananampalataya sa Diyos ay dapat sumunod sa mga pamahiin at tradisyong ito upang mamuhay nang medyo maayos sa mga grupong panlipunan. Namumuhay sila nang naghahangad ng kapayapaan, kaginhawaan, at kagalakan. Kaya, bakit hindi kailangang sundin ng mga taong nananampalataya sa Diyos ang mga pamahiin at tradisyong ito? (Dahil sila ay protektado ng Diyos.) Sila ay protektado ng Diyos. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay sumusunod sa Kanya, at dinadala ng Diyos ang mga taong ito sa Kanyang presensiya at sa Kanyang sambahayan. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na saktan ka. Kahit na hindi ka sumusunod sa mga patakaran nito, hindi ito mangangahas na hawakan ka. Gayunpaman, para sa mga hindi nananampalataya sa Diyos at hindi sumusunod sa Kanya, kayang-kaya silang manipulahin ni Satanas kung naisin nito. Ang paraan ng pagmaninipula ni Satanas sa mga tao ay ang magtatag ng iba’t ibang kasabihan at kakaibang patakaran na dapat mong sundin. Kung hindi mo susundin ang mga ito, parurusahan ka nito. Halimbawa, kung hindi mo sasambahin ang diyos ng kusina sa ika-23 araw ng ikalabindalawang buwan ng lunar, hindi ba’t magkakaroon ng mga kahihinatnan? (Oo.) Magkakaroon ng mga kahihinatnan, at hindi mangangahas ang mga walang pananampalataya na laktawan ang ritwal na ito. Sa araw na iyon, kailangan din nilang kumain ng kendi na gawa sa sesame para isara ang bibig ng diyos ng kusina at pigilan ito sa pagsumbong sa kanila sa langit. Paano nagkaroon ng mga ganitong patakaran at mapamahiing kasabihan? Si Satanas ang gumagawa ng ilang bagay na ipinapamana sa pamamagitan ng pasalitang tradisyon. Sa ugat, nagmumula ang mga ito kay Satanas at sa iba’t ibang maruruming demonyo, masasamang espiritu, at mga pinunong demonyo. Itinatatag ng mga ito ang mga patakarang ito at kinokontrol ang mga tao gamit ang mga mapamahiing kasabihan at patakarang ito, hinihikayat ang mga tao na makinig sa mga ito. Kung hindi ka makikinig sa mga ito, tatamaan ka nila gamit ang isang malupit na bagay—parurusahan ka nila. May mga taong hindi naniniwala sa mga mapamahiing kasabihang ito, at palaging magulo ang kanilang mga tahanan. Kapag pumupunta sila sa isang templo ng mga Budista para magpahula ng kanilang kapalaran, sinasabi sa kanila, “Naku, nilabag mo ang ganito-at-ganyang taboo. Kailangan mong hukayin ang lupa sa ilalim ng iyong bahay, ayusin ang tsimenea, palitan ang mga kagamitan sa iyong bahay, at maglagay ng anting-anting sa lintel ng pintuan. Pagkatapos, hindi na mangangahas lumapit ang mumunting demonyong iyon.” Sa katunayan, isang mas malaking demonyo ang sumupil sa maliit na demonyo, kaya hindi ka na aabalahin ng munting demonyo. Sa ganitong paraan, mas nagiging mapayapa ang buhay. Sa una, hindi naniniwala rito ang taong ito, pero ngayong nakikita niya ito, sinasabi niya, “Naku, talaga ngang mayroong maliit na demonyong nagsasanhi ng napakalaking gulo!” Wala silang magawa kundi maniwala rito. Ang mga hindi nananampalataya sa Diyos at nagsusumikap na makaraos at mabuhay sa mundong ito ay ganap na kontrolado ng masasama, wala silang karapatan o anumang pagkakataon na magpasya para sa kanilang sarili—kailangan nilang maniwala. Sa kabilang banda, kayong mga nananampalataya sa Diyos, kung magpapatuloy ka sa mga pamahiing ito o sa mga tradisyonal na kaisipan, pananaw, o sa mga bagay ng relihiyon, kung ipinagdiriwang mo ang mga kapistahan nito, naniniwala ka sa mga kasabihan nito, at ipinagpapatuloy mo ang mga tradisyon nito, mga paraan ng pamumuhay, at mga saloobin sa buhay, at ang pinagmumulan ng iyong kagalakan sa buhay ay batay sa mga kasabihang ito, kung gayon ay nagsasabi ka sa Diyos nang hindi deretsahan na, “Hindi ako naniniwala sa Iyong mga pamamatnugot, ni ayaw kong tanggapin ang mga ito,” at hindi ka rin deretsahang nagsasabi sa masasamang espiritu, maruruming demonyo, at kay Satanas na, “Sige na, naniniwala ako sa mga kasabihan ninyo, at payag akong makipagtulungan sa inyo.” Dahil pagdating sa iba’t ibang saloobin na iyong itinataguyod, at sa iyong mga kaisipan, pananaw, at mga gawi, hindi mo tinatanggap ang katotohanan, bagkus ay umaayon ang mga ito sa mga kaisipan at pananaw ng masasamang espiritu, maruruming demonyo, at ni Satanas, at isinasakatuparan mo ang kanilang mga kaisipan at pananaw habang umaasal ka at kumikilos, kung gayon ay namumuhay ka sa ilalim ng kanilang kapangyarihan. Dahil payag kang mamuhay sa ilalim ng kanilang kapangyarihan, gumagawa ng mga dumpling kapag ikaw ay lumalabas at kumakain ng pansit kapag ikaw ay umuuwi, at kumakain ng mga kakanin at isda tuwing Chinese New Year, sige, sumama ka na lang sa kanila. Hindi mo kailangang manampalataya sa Diyos, at hindi mo kailangang ipahayag na nananampalataya ka sa Diyos. Saan ka man pumupunta at sa lahat ng ginagawa mo, sinusunod mo ang daan ng buhay at ang mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa iyo ni Satanas, ikaw ay tumitingin sa mga tao at bagay, umaasal at kumikilos, at namumuhay at umiiral ayon sa mga kuru-kurong panrelihiyon, at walang kinalaman ang ginagawa mo sa itinuro sa iyo ng Diyos, wala itong kinalaman sa katotohanan. Kaya, tunay kang isang tagasunod ni Satanas. Dahil sinusunod mo si Satanas sa iyong puso, bakit nakaupo ka pa rin dito? Bakit nakikinig ka pa rin sa sermon? Hindi ba’t ito ay panlilinlang? Hindi ba’t ito ay kalapastanganan sa Diyos? Dahil masyado kang nahuhumaling sa mga tradisyon, pamahiin at mga kuru-kurong panrelihiyon na ikinintal ni Satanas, nakatali ka sa mga ito, at mayroon ka pa ring mga kaugnayan sa mga ito, hindi ka na dapat manampalataya sa Diyos. Dapat kang manatili sa templo ng Budista, magsunog ng insenso, magbigay-galang, gumawa ng palabunutan, at bumigkas ng banal na kasulatan. Hindi ka dapat manatili sa sambahayan ng Diyos, hindi ka karapat-dapat na makinig sa mga salita ng Diyos o tumanggap sa gabay ng Diyos. Samakatuwid, dahil ipinahayag mong isa kang tagasunod ng Diyos, dapat mong bitiwan ang mga tradisyong ito ng pamilya, ang mga pamahiin, at mga kuru-kurong panrelihiyon. Kahit na ang iyong mga pangunahing paraan ng pamumuhay: Hangga’t may kinalaman sa mga ito ang tradisyon at pamahiin, kailangan mong bumitiw at hindi kumapit sa mga ito. Ang pinaka-kinasusuklaman ng Diyos ay ang tradisyon ng tao, mga araw ng kapistahan, mga kaugalian, at ilang partikular na patakaran ng pamumuhay na nagmumula sa kulturang katutubo at sa pamilya, na kung saan sa likod ng mga ito ay may mga partikular na interpretasyon. Halimbawa, kinakailangang maglagay ng ilang tao ng salamin sa lintel ng pinto kapag nagtatayo ng bahay, sinasabing ito ay para itaboy ang masasamang espiritu. Nananampalataya ka sa Diyos, ngunit natatakot ka pa rin sa mga demonyo? Nananampalataya ka sa Diyos, kaya paanong nagagawa pa rin ng mga demonyo na guluhin ka nang ganoon kadali? Talaga bang isa kang tunay na mananampalataya sa Diyos? Sa panahon ng Chinese New Year, kung ang isang bata ay magsasabi ng isang bagay na malas tulad ng “kung mamamatay ako” o “kung mamamatay ang nanay ko,” kaagad silang sumasabad sa pamamagitan ng pagsasabing, “Pah, pah, pah, hindi malalabag ng mga salita ng isang bata ang taboo, hindi malalabag ng mga salita ng isang bata ang taboo.” Takot na takot sila, natatakot na magkatotoo ang sinasabi ng bata. Ano ang kinatatakutan mo? Kahit magkatotoo nga ito, hindi mo ba matatanggap ang realidad na ito? Malalabanan mo ba ito? Hindi ba’t dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos? Walang mga taboo sa Diyos, may mga bagay lamang na umaayon o hindi umaayon sa katotohanan. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, hindi ka dapat sumunod sa anumang taboo, bagkus ay dapat mong pangasiwaan ang mga usaping ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo.

Ang pagbabahaginan ngayon ay kinapapalooban ng mga paksang nauugnay sa kung paano kinokondisyon ng mga pamilya ang mga tradisyon, pamahiin, at relihiyon sa mga tao. Bagamat maaaring wala tayong gaanong nalalaman tungkol sa mga paksang ito, sapat na para sabihin sa iyo sa pamamagitan ng pagbabahaginan kung anong uri ng saloobin ang dapat mong itaguyod, at kung paano mo dapat harapin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo. Kahit papaano, ang pagsasagawang dapat mong itaguyod ay ang bitiwan ang anumang may kaugnayan sa mga paksang ito, at huwag isapuso ang mga ito o panatilihin ang mga ito bilang isang normal na pamamaraan ng pamumuhay. Ang pinakanararapat mong gawin ay ang bumitiw at huwag magpapabagabag o magpapagapos sa mga ito. Hindi mo dapat husgahan ang iyong buhay at kamatayan, kapalaran at kalamidad batay sa mga ito, at siyempre, lalong hindi mo dapat harapin o piliin ang iyong landas sa hinaharap batay sa mga ito. Kung makakakita ka ng isang itim na pusa paglabas mo, at sasabihin mong, “Magiging malas ba ang araw na ito? May mangyayari bang masama?” ano ang tingin mo sa pananaw ito? (Hindi ito tama.) Ano ba ang magagawa ng isang pusa sa iyo? Kahit na mayroong mga mapamahiing kasabihan tungkol dito, walang kinalaman ang mga ito sa iyo, kaya hindi mo kailangang matakot. Ni huwag kang matakot sa isang itim na tigre, lalo na sa isang itim na pusa. Ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi mo dapat katakutan si Satanas o ang anumang masasamang espiritu, lalo na ang isang itim na pusa. Kung ikaw ay walang mga taboo sa puso mo, naghahangad lamang sa katotohanan, at naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, kahit pa may mga partikular na kasabihan tungkol dito o maaaring maghatid ito sa iyo ng kasawian, hindi mo kailangang mag-alala. Halimbawa, isang araw ay bigla kang makarinig ng isang kuwagong humuhuni sa tabi ng iyong kama. Sa alamat ng mga Tsino, sinasabing, “Huwag matakot sa huni ng kuwago, matakot sa tawa ng kuwago.” Ang kuwagong ito ay parehong humuhuni at tumatawa, tinatakot ka nito nang husto at nakakaapekto ito sa iyo nang kaunti sa puso mo. Pero isipin mo saglit, “Ang nakatakdang mangyari ay mangyayari, at ang hindi nakatakdang mangyari ay hindi pahihintulutan ng Diyos. Ako ay nasa mga kamay ng Diyos, at gayundin ang lahat ng bagay. Hindi ako natatakot o naaapektuhan ng mga ito. Mamumuhay ako ayon sa nararapat, hahangarin ko ang katotohanan, isasagawa ang mga salita ng Diyos, at magpapasakop ako sa lahat ng pamamatnugot ng Diyos. Hinding-hindi ito mababago!” Kapag walang anumang makakagulo sa iyo, kung gayon, iyon ay tama. Kung isang araw ay nananaginip ka nang masama, natatanggal ang iyong mga ngipin, nalalagas ang iyong mga buhok, nakakabasag ka ng isang mangkok, nakikita mo ang iyong sarili na patay, at sabay-sabay na nangyayari ang lahat ng masamang bagay sa iisang panaginip, wala sa mga eksanang ito ang mabubuting pangitain para sa iyo—ano ang magiging reaksiyon mo? Malulugmok ka ba sa depresyon? Sasama ba ang loob mo? Magiging apektado ka ba? Noon, maaaring sumama ang loob mo sa loob ng isang buwan o dalawa, at sa huli ay wala namang nangyari, kaya nakahinga ka nang maluwag. Pero ngayon, bahagya ka lamang nababagabag, at sa sandaling naiisip mo na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, agad na humihinahon ang puso mo. Lumalapit ka sa Diyos nang may mapagpasakop na saloobin, at tama ito. Kahit na talagang humantong sa masamang pangyayari ang masasamang pangitaing ito, mayroong paraan para lutasin ito. Paano mo ito malulutas? Hindi ba’t nasa mga kamay rin ng Diyos ang masasamang bagay? Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mapipinsala ni Satanas at ng mga diyablo ang kahit isang buhok sa katawan mo. Lalo na sa mga usapin na may kinalaman sa buhay at kamatayan, hindi ito ang magdedesisyon. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangyayari ang malalaki at maliliit na bagay na ito. Kaya, anuman ang masamang penomena na nasasaksihan mo sa isang panaginip sa isang gabi, o anumang kakaibang nararamdaman mo sa iyong katawan, huwag kang mag-alala, huwag mabahala, at lalong huwag mong isiping umiwas, tumanggi, o lumaban. Huwag mong subukang gamitin ang mga pamamaraang pantao tulad ng mga voodoo doll, pakikipag-ugnayan sa mga patay, paggawa ng palabunutan, panghuhula, o paghahanap ng impormasyon online para iwasan ang mga panganib na ito. Hindi na kailangan ang alinman dito. Posible na ang iyong panaginip ay nagpapahiwatig na talagang may mangyayaring masama, gaya ng pagiging bankrupt, pagbagsak ng iyong mga stock, pagkuha ng iba sa iyong negosyo, pag-aresto sa iyo ng gobyerno sa isang pagtitipon, ang maiulat habang ipinapalaganap ang ebanghelyo, at iba pa. Ano ngayon? Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos; huwag matakot. Huwag mag-alala, huwag magdalamhati, at huwag katakutan ang anumang masamang bagay na hindi pa nangyayari, at siyempre, huwag labanan o tutulan ang paglitaw ng anumang masamang bagay. Gawin kung ano ang dapat gawin ng isang nilikha, gampanan ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang isang nilikha, at akuin ang posisyon at perspektiba na dapat taglay ng isang nilikha—ito ang saloobing dapat mayroon ang bawat isa kapag nahaharap sa mga bagay-bagay; ibig sabihin, pagtanggap at pagpapasakop, ipinagkakatiwala ang mga bagay-bagay sa Kanyang mga pamamatnugot nang walang mga reklamo. Sa ganitong paraan, ang anumang relihiyoso, tradisyonal, o mapahamahiing kasabihan o kahihinatnan ay hindi magiging problema para sa iyo, at hindi magdudulot ng anumang kaguluhan; tunay kang makakaalis mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, hindi kinokontrol ng impluwensiya ng kadiliman o ng anumang kaisipan ni Satanas. Ang iyong mga kaisipan, ang iyong kaluluwa, ang iyong buong pagkatao ay malulupig at makakamit ng mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ito ay kalayaan? (Oo.) Ito ay ganap na kalayaan, pamumuhay sa liberasyon at kalayaan, at pagkakaroon ng wangis ng isang tao. Napakaganda niyon!

Sa pangkalahatan, ito ang nilalaman ng pagbabahaginan ngayong araw. Tungkol sa mga partikular na taboo sa mga kagawian ng pang-araw-araw na buhay, halimbawa, anong mga pagkain ang hindi dapat kainin kapag dumaranas ng mga partikular na sakit, at ang ilang tao ay hindi pwedeng kumain ng maanghang na pagkain dahil may tsansa silang magkaroon ng labis-labis na panloob na init, ang mga ito ay walang kinalaman sa kung paano umasal ang isang tao o sa anumang kaisipan at pananaw, lalong walang kinalaman ang mga ito sa landas na tinatahak ng isang tao. Ang mga ito ay wala sa saklaw ng ating pagbabahaginan. Ang paksa ng ating pagbabahaginan na kinapapalooban ng pagkokondisyon ng pamilya ay may kinalaman sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, sa kanilang normal na paraan ng pamumuhay at mga patakaran sa pamumuhay, pati na sa kanilang mga kaisipan, pananaw, posisyon, at perspektiba sa iba’t ibang bagay. Sa pamamagitan ng paglutas ng mga maling kaisipan, pananaw, at saloobin na ito sa bawat aspekto, ang susunod na papasukin ng mga indibidwal ay ang maghanap at tumanggap ng mga tamang kaisipan, pananaw, saloobin, at perspektiba sa mga bagay-bagay. Sige na, iyon na ang lahat para sa pagbabahaginan tungkol sa paksa ngayong araw. Paalam!

Marso 25, 2023

Mga Talababa:

a. Ang “Tai Sui” ay pinaikling salita ng “Tai Sui na diyos.” Sa astrolohiya ng China, ang “Tai Sui” ay nangangahulugan na ang diyos na tagapangalaga ng taon. Si Tai Sui ang namumuno sa lahat ng kapalaran sa isang partikular na taon.

b. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “nangangahulugang lubusang pagyaman, ang pagbigkas nito sa Mandarin ay katulad ng mga numerong 1, 6, at 8.”

Sinundan: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14

Sumunod: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito