Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14
Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pamilya sa loob ng mas malawak na paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao—aling seksiyon ng paksa ng pamilya ang pinagbahaginan natin? (Noong huli, nagbahagi ang Diyos tungkol sa ilang kasabihang nagmumula sa pagkokondisyon ng pamilya, tulad ng “Alinman sa tatlong taong magkakasamang naglalakad, kahit papaano ay mayroong isa na maaaring maging aking guro,” “Kung gusto mong magmukhang marangal kapag nakatingin ang mga tao, kailangan mong magdusa kapag sila ay hindi nakatingin,” “Gaya ng isang bakod na nangangailangan ng tatlong tulos na pantukod, ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao,” “Ang isang babae ay nagpapaganda para sa mga humahanga sa kanya, samantalang ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga nakakaintindi sa kanya,” “Ang mga anak na babae ay dapat palakihin na parang mayayamang anak, at ang mga anak na lalaki na parang mahihirap na anak,” “Ang mga tao ay hindi kailangang magkaroon ng mataas na IQ, kundi kailangan lang ng mataas na EQ,” “Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses,” at “Ang magulang ay palaging tama.” Sa kabuuan, ang walong kasabihang ito ay tinalakay.) Nagbahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa pagkokondisyon ng pamilya, na kung saan ang paksa ay sumasaklaw sa pagkokondisyon ng pamilya at edukasyon tungo sa pag-iisip ng isang tao. Ang ilang partikular na kasabihan ay ibinahagi nang detalyado, habang ang iba ay saglit lang na binanggit at hindi pinagbahaginan nang detalyado. Napakahalaga ng pamilya sa buhay ng bawat indibidwal. Ito ay isang lugar kung saan ang mga tao ay lumilikha ng mga alaala, lumalaki, at kung saan nagsisimulang mabuo ang kanilang iba’t ibang kaisipan. Kung paano umaasal, kumikilos, humaharap sa mga bagay-bagay, nakikipag-ugnayan sa iba, humaharap sa iba’t ibang sitwasyon ang mga tao, at kapag nahaharap sa mga sitwasyong iyon, kung paano gumawa ng mga paghuhusga at mula sa aling mga perspektiba at paninindigan nila dapat pangasiwaan ang mga bagay na ito, atbp., hindi mahalaga kung ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay simple o mas kongkreto, ang lahat ng ito ay higit na nakabatay sa pagkokondisyon ng pamilya. Ibig sabihin, bago pormal na pumasok ang mga tao sa lipunan at sumali sa mga grupong panlipunan, ang kanilang mga kauna-unahang kaisipan at pananaw ay lahat nagmumula sa kanilang mga pamilya. Samakatuwid, ang pamilya ay napakahalaga para sa lahat. Ang kahalagahan nito ay higit pa sa pisikal na paglago; higit sa lahat, bago pumasok ang mga tao sa lipunan, marami silang natututuhan na mga kaisipan at pananaw sa tahanan na dapat gamitin sa kung paano nila harapin ang lipunan, ang mga grupong panlipunan, at ang kanilang buhay sa hinaharap. Bagamat ang mga kaisipan at pananaw na ito ay hindi talaga partikular o tumpak na natutukoy habang lumalaki ang isang tao, ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na ito, at ang iba’t ibang pamamaraan, panuntunan, at maging ang mga paraan para sa pagharap sa mundo, ay likas at pauna nang ikinintal, ipinang-impluwensiya, at ikinondisyon sa mga tao ng kanilang mga magulang, nakatatanda, o ng iba pang miyembro ng pamilya bago pa sila pumasok sa lipunan. Ang pagsasagawang ito ng pagkintal, pag-impluwensiya, at pagkokondisyon ay isinasagawa habang lumalaki ang mga tao kasama ang kanilang mga pamilya; kaya naman napakahalaga ng pamilya sa bawat tao. Siyempre, ang kahalagahang ito ay nakatuon lamang sa antas kung saan ang mga indibidwal ay pumapasok sa lipunan at sumasapi sa mga grupong panlipunan, at pumapasok sa buhay at pag-iral ng pagiging nasa hustong gulang na—ito ay limitado sa antas ng pisikal na pag-iral. Ipinapakita nito kung gaano kahalaga ang pagkokondisyon ng pamilya sa isang taong papasok sa lipunan at sa pamumuhay nang nasa hustong gulang. Ibig sabihin, kapag ang mga tao ay umabot na sa hustong gulang at pumasok sa lipunan, karamihan sa kanilang mga pilosopiya sa para sa mga makamundong pakikitungo ay nagmumula sa pamana ng kanilang mga magulang at sa impluwensiya ng kanilang pamilya. Mula sa perspektibang ito, masasabi rin na ang pamilya, bilang ang pinakamaliit na yunit sa lipunan, unang-una sa lahat, ay gumagampan ng papel sa paghubog sa mga kaisipan, gayundin sa iba’t ibang pamamaraan at prinsipyo ng pagharap sa mundo, at maging sa pananaw sa buhay ng isang tao. Sapagkat itong iba’t ibang kaisipan, pananaw, pamamaraan sa pagharap sa mundo, at pananaw sa pag-iral ay negatibo, hindi naaayon sa katotohanan, hindi nauugnay sa katotohanan, o masasabing taliwas pa nga sa katotohanan, at hindi nagmumula sa Diyos ang mga ito, kinakailangan ng mga tao kung gayon na bitiwan ang pagkokondisyon ng kanilang pamilya. Kung isasaalang-alang ang mga kahihinatnan ng pagkokondisyon ng pamilya, makikita natin na ito ay kumokontra at hindi naaayon sa katotohanan, sumasalungat sa Diyos, at sadyang masasabi na ang mga pamilya ay mga lugar kung saan ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, inaakay ang mga tao na itatwa ang Diyos, labanan Siya, at sundin ang maling landas sa buhay. Mula sa perspektibang ito, masasabi ba na ang pamilya, bilang ang pinakamaliit na yunit sa lipunan, ay kung saan unang nagagawang tiwali ang mga tao? Bagamat isang malawak na perspektiba ang pagsasabing ginagawang tiwali ni Satanas at ng mga kalakaranng panlipunan ang mga tao, pagdating sa mga detalye, dapat ituring ang pamilya bilang ang lugar kung saan ang mga tao ay unang tumatanggap ng katiwalian at ng mga negatibong kaisipan, masasamang kalakaran, at ng mga pananaw ni Satanas. Sa mas partikular, ang katiwaliang tinatanggap ng mga indibidwal ay nagmumula sa kanilang mga magulang, nakatatanda, iba pang kapamilya, at sa mga kaugalian, prinsipyo, tradisyon, atbp., ng kanilang buong pamilya. Ano’t anuman, sa pamilya unang nahaharap ang mga tao sa katiwalian, tumatanggap ng masasamang kaisipan at kalakaran ni Satanas, at dito rin nagsisimulang tanggapin ng mga tao ang iba’t ibang tiwali at masasamang kaisipan sa panahon ng kanilang paglaki. Ginagampanan ng pamilya ang isang papel na hindi kayang gampanan ng buong lipunan, ng mga panlipunang kalakaran, o ni Satanas sa paggawang tiwali sa mga tao, kaya naikintal na sa mga indibidwal ang iba’t ibang kaisipan at pananaw mula sa masasamang kalakaran ni Satanas bago sila pumasok sa lipunan at sumapi sa mga grupong panlipunan. Paano man ito nabuo, ang pamilya ang pangunahing pinagmumulan ng iyong mga satanikong kaisipan at pananaw. Kaya, upang matulungan ang mga tao na bitiwan ang iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, kinakailangang tukuyin at suriin hindi lamang ang laganap na mga maling kaisipan at pananaw mula sa lipunan, kundi pati na rin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw, gayundin ang mga prinsipyo sa pagharap sa mundo na nagmumula sa pagkokondisyon ng pamilya. Ang pamilya mismo ay parte ng buong lipunan ng tao, hindi ito ang iglesia o ang sambahayan ng Diyos, at lalong hindi ito ang kaharian ng langit. Ito lamang ang pinakamaliit na yunit sa loob ng lipunan na nilikha sa gitna ng tiwaling sangkatauhan, at ang pinakamaliit na samahang ito ay binuo rin ng tiwaling sangkatauhan. Kaya, kung nais ng isang tao na palayain ang kanyang sarili mula sa mga hadlang, gapos, at problema ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, dapat muna niyang pagnilayan, unawain, at himay-himayin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na natanggap niya mula sa pagkokondisyon ng pamilya, hanggang sa maabot niya ang punto kung saan kaya na niyang bitiwan ang mga ito. Ito ay isang tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa sa pagbitiw sa pagkokondisyon ng pamilya ng mga tao.
Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa pagkokondisyon ng pamilya ng mga tao, na may kinalaman sa mga bagay tulad ng kanilang pananaw sa buhay, mga panuntunan sa pag-iral, mga prinsipyo at pamamaraan sa pag-uugali at pagharap sa mundo, at ilang karaniwang pamantayan sa pag-uugali kapag pumapasok sa lipunan. Ano ang ilan sa mga pananaw sa buhay na may kinalaman sa paksang ito? Halimbawa, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Ano ang ilan sa mga prinsipyo ng pagharap sa mundo na ikinikintal ng mga pamilya sa mga tao? Kabilang sa mga halimbawa ay: “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” at “Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso.” Ano pa? (“Gaya ng isang bakod na nangangailangan ng tatlong tulos na pantukod, ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao,” at “Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses.” Ito ay mga pamamaraan at prinsipyo rin sa pagharap sa mundo.) Mayroon bang anumang panuntunan sa pakikipag-ugnayan sa lipunan? Gaya ng, “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril”? (Oo.) “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Ano pa? (Igigisa ka sa sarili mong mantika.) Isa rin iyan, pero hindi tayo nagbahaginan tungkol diyan noong huli. Higit pa rito, madalas sabihin sa iyo ng iyong mga magulang, “Sa mundong ito, dapat maging maingat ang iyong paghuhusga, matamis ang iyong pananalita, at matalas ang iyong mga mata. Dapat kang ‘maging mapagmasid sa lahat ng daanan, maging mapagmatyag sa lahat ng direksyon.’ Huwag kang masyadong magpakasiguro sa iyong mga nakagawian.” Mayroon ding “Walang masama sa pagpuri sa isang tao,” at “Kailangan mong makisabay sa agos saan ka man naroroon. Ang batas ay hindi maipatutupad kapag lahat ay lumalabag. Kapag may pag-aalinlangan, sundan ang karamihan.” Ang lahat ng ito ay mga panuntunan sa pakikipag-ugnayan. Tapos, may mga kasabihang tulad ng, “Ang isang babae ay nagpapaganda para sa mga humahanga sa kanya, samantalang ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga nakakaintindi sa kanya,” at “Walang pangit na babae, may mga tamad nga lang.” Sa anong kategorya nabibilang ang mga ito? Nabibilang ang mga ito sa kategorya ng pang-araw-araw na buhay; sinasabi ng mga ito sa iyo kung paano mamuhay at kung paano tratuhin ang iyong pisikal na katawan. Tapos, may mga kasabihan na, “Ang magulang ay palaging tama,” “Si Nanay ang pinakamabuti sa buong mundo,” “Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga,” at “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.” Ang mga ito ay tumutukoy sa mga kaisipan at pananaw ng pagmamahal at damdamin ng pamilya. Isa pa, madalas sinasabi ng mga tao, “Ang mga patay ay dakila sa mga mata ng buhay”—pagkatapos mamatay ng isang tao, siya ay nagiging dakila. Kung gusto mo ng mas mataas na katayuan, kung gusto mong magsabi ng magagandang bagay ang mga tao tungkol sa iyo at igalang ka ng mga ito, kung gayon ay dapat kang mamatay. Sa sandaling mamatay ka, ikaw ay magiging dakila. “Ang mga patay ay dakila sa mga mata ng buhay”—katawa-tawa ba ang lohikang ito o ano? Sabi nila, “Huwag magsabi ng anumang masama tungkol sa isang tao pagkatapos niyang mamatay. Ang mga patay ay dakila sa mga mata ng buhay. Respetuhin mo sila!” Gaano man karaming masamang bagay ang nagawa ng taong ito, nagiging dakila siya pagkatapos niyang mamatay. Hindi ba’t ipinapakita nito ang ganap na kawalan ng pagkakilala sa pagitan ng mabuti at masama at ang kawalan ng mga prinsipyo sa pag-asal ng mga tao? (Oo.) “Ang magulang ay palaging tama.” Detalyado natin itong pinagbahaginan noong nakaraan. Ang iba pang kasabihan na ito, tulad ng “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang,” at “Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga,” ay hindi kasali sa pinagbahaginan, ngunit hindi ba’t madaling makilala ang mga ito? Tama ba ang kasabihang “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang”? Ginagawa nitong mukhang napakahalaga ang pagtuturo ng isang ama. Sa anong uri ng landas maaaring akayin ng isang ama ang mga tao? Kaya ka ba niyang akayin sa tamang landas? Kaya ka ba niyang gabayan na sambahin ang Diyos at maging isang tunay na mabuting tao? (Hindi.) Sinasabi sa iyo ng iyong ama, “Ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” ngunit bata ka pa, at umiiyak ka kapag nararamdaman mong naagrabyado ka. Pinagagalitan ka ng iyong ama, sinasabing “Pigilan mo ang luha mo! Magpakalalaki ka. Iniiyakan mo ang bawat maliit, walang kabuluhang bagay!” Pagkatapos nitong mangyari, iniisip mo, “Hindi ako pwedeng lumuha; kung iiyak ako, wala akong kwenta.” Pinipigilan mo ang iyong mga luha, hindi nangangahas na umiyak, at lihim na umiiyak sa ilalim ng kumot sa gabi. Bilang isang lalaki, wala ka man lang karapatang ipahayag o ipahiwatig ang iyong mga emosyon nang natural; wala kang karapatang umiyak, kailangan mong tiisin ito sa tuwing nararamdaman mong naagrabyado ka. Ito ang pagtuturong natatanggap mo mula sa iyong ama, at ito ang tunay na kahulugan ng “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.” Ang iyong ama, ang iyong ina, at ang nakatatandang henerasyon ay pawang kumakapit sa pagtuturong ito, sinasabing, “Ikaw na isang batang lalaki, kung anu-ano na lang ang iniiyakan mo, umiiyak ka sa tuwing nararamdaman mong naagrabyado ka, at kapag binubugbog ka sa labas. Wala kang kwenta! Sinaktan ka nila, bakit hindi ka gumanti? Sinaktan ka nila, kaya huwag ka nang makipaglaro sa kanila. Kapag nakita mo silang muli, at nakita mong kaya mo silang bugbugin, eh di gawin mo; kung hindi mo kaya, tumakbo ka na lang. Tingnan mo kung paanong tiniis ni Han Xin[a] ang kahihiyan nang pinilit siya na gumapang sa pagitan ng mga binti ng ibang tao. Hindi siya umiyak; ganoon ang tunay na lalaki!” Ganito tinuturuan ng mga ama ang kanilang mga anak na lalaki at ganito ikinikintal ang kaisipan ng pagiging isang tunay na lalaki sa kanila. Hindi pwedeng ipahayag ng mga lalaki ang kanilang mga problema at hindi sila pwedeng lumuha; kailangan nila itong pigilan. Sabihin mo sa Akin, gaano karaming kawalang-katarungan ang dapat tiisin ng mga lalaki? Sa lipunang ito, kailangang suportahan ng mga lalaki ang kanilang pamilya, magpakita ng paggalang sa kanilang mga nakatatanda, at hindi sila nangangahas na magreklamo gaano man sila kapagod. Hindi sila makaimik kahit gaano pa karaming kawalang-katarungan ang tiniis nila. Hindi ba’t hindi ito patas para sa mga lalaki? (Hindi ito patas.) Noong tinuruan kayo ng inyong ama nang ganito, ano ang naramdaman ninyo? Kapag gusto mong umiyak minsan, ano ang sinabi ng iyong ama? “Ako, si ganito-ganyan, ay naging matalino at masigasig na umangat sa buong buhay ko. Paanong nakapagpalaki ako ng isang mahinang katulad mo? Noong kaedad kita, mag-isa ko nang sinusuportahan ang pamilya. Tingnan mo ang sarili mo, masyado kang laki sa layaw, wala kang kwenta!” Ano ang naramdaman mo? Tinuruan ka ng iyong mga magulang at lolo at lola, sinasabing: “Ang lalaki ang haligi ng pamilya. Bakit ka namin sinusuportahan? Bakit ka namin pinapaaral sa kolehiyo? Ito ay para tulungan kang masuportahan ang pamilya, hindi para umiyak ka o maagrabyado sa tuwing may nangyayari.” Ano ang naramdaman ninyo nang sabihin ng inyong ama at nakatatanda ang mga bagay na ito? Naagrabyado ba kayo o hinayaan na lang ito? (Nanlumo ako, pakiramdam ko ay naagrabyado ako.) Wala ka bang magawa kundi tanggapin ito, o may hinanakit ba sa puso mo? (Nakaramdam ako ng hinanakit, pero kailangan kong tanggapin ito.) Bakit mo ito ginawa? (Dahil naramdaman ko na sa ilalim ng gayong sitwasyon o sistema ng lipunan, wala akong ibang magagawa.) Ganito ang posisyon ng mga lalaki sa lipunan. Ipinanganak sila sa ganitong uri ng sitwasyong panlipunan, at wala silang magagawa. Ang pagtuturong natanggap mo mula sa iyong ama at mga nakatatanda ay nagmula sa lipunan; pagkatapos nilang matanggap ang ideolohikal na pagtuturong ito, ikinintal naman nila sa iyo ang mga kaisipang ito na mula sa lipunan. Sa totoo lang, nang tanggapin nila ang mga kaisipan at pananaw na ito sa panahon ng kanilang paglaki, nag-atubili rin sila. Habang tumatanda sila, ipinapasa nila ang mga kaisipang ito sa susunod na henerasyon. Hindi nila iniisip kung dapat bang tanggapin ng susunod na henerasyon ang mga kaisipan at pananaw na ito o kung tama ba ang mga ito, dahil ganito sila lumaki. Inisip nila na dapat mamuhay sa ganitong paraan ang mga tao; ano naman kung naagrabyado ka, ang mahalaga ay na makakatulong sa iyo ang pagtanggap sa mga kaisipang ito na mahanap mo ang iyong posisyon sa lipunan at na hindi ka maaapi ng ibang tao. Bakit tiniis din nila ang mga hinaing na ito, at nalugmok sa depresyon at naghinanakit na tulad mo, ngunit ipinapasa pa rin sa iyo ang mga saloobin at pananaw na ito? Ang isang dahilan ay na natural nilang tinanggap ang iba’t ibang kaisipan at pananaw mula sa lipunan, na nagtulot sa kanila na maging bahagi ng mga kalakarang panlipunan, tinutulungan silang mahanap ang kanilang katayuan sa lipunan. Sinusunod ng lahat ang mga kaisipan at pananaw na ito bilang mga patnubay at pamantayan sa pamumuhay, nang walang sinumang kumukwestiyon o nagnanais na sirain o maghimagsik laban sa mga ito. Ito ay isang aspekto—upang patuloy na mabuhay. Ang isa pang aspekto, ang pinakamahalaga, ay na walang abilidad ang mga tao na kilalanin ang pagkakaiba ng mga positibo at negatibong bagay. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at wala silang mga wastong kaisipan at pananaw tungkol sa pag-iral, pagharap sa mundo, o sa landas na dapat nilang sundin. Upang umangkop sa lipunan, makisabay, at umiral sa loob ng lipunang ito at sa mga grupong panlipunan, dapat aktibo o pasibong tanggapin ng mga tao ang iba’t ibang prinsipyo sa pagharap sa mundo at ang mga panuntunang itinakda ng lipunan. Ang layon ng pakikiangkop ay upang maitatag ng mga tao ang kanilang sarili sa lipunan at manatiling buhay. Gayunpaman, dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang magagawa kundi piliin ang mga prinsipyong ito sa pagharap sa mundo at ang mga panuntunang itinakda ng lipunan. Samakatuwid, bilang isang lalaki, nang turuan ka ng iyong ama na, “Ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” kahit na pakiramdam mo ay naagrabyado ka at nais mong ibulalas ang iyong pagkadismaya, hindi mo siya kayang pabulaanan, ni hindi mo maarok kung ano ang sinasabi niya. Sa huli, ang dahilan kung bakit mo ito tinanggap sa iyong puso ay na, “Bagamat medyo malupit at masakit pakinggan ang mga salita ng aking ama, at kahit na labag sa kalooban ko na tanggapin ang mga salitang ito, ginagawa ito ng aking ama para sa aking ikabubuti, kaya dapat kong tanggapin ang mga ito.” Dahil sa kanilang konsensiya at paggalang sa magulang bilang isang anak, kailangang makipagkompromiso ng mga tao at tanggapin ang mga kaisipan at pananaw na ito. Anuman ang aspekto ng pagkokondisyon ng pamilya ng mga tao, palagi silang nasa gayong kalagayan, patuloy na nakikintal sa kanila ang mga pamamaraang ito hanggang sa huli ay tinatanggap nila ang mga ito kahit ayaw nila. Sa buong prosesong ito ng patuloy na pagtanggap, unti-unting tumatagos sa kaloob-looban ng isang tao ang mga mali at negatibong kaisipan at pananaw na ito, o unti-unti at tuluy-tuloy na pumapasok sa kanilang mga kaisipan at pananaw, na nagiging iba’t ibang batayan sa kung paano sila umaasal at humaharap sa mundo. Maaaring ilarawan ang prosesong ito bilang pagsailalim ng isang tao sa katiwalian, dahil ang proseso ng pagtanggap ng mga maling kaisipan at pananaw ay proseso rin ng katiwalian. Kung gayon, sino ang nagtiwali sa mga tao? Sa teorya, sila ay ginawang tiwali ni Satanas, sa pamamagitan ng masasamang kalakaran; sa mas partikular, sila ay ginawang tiwali ng kanilang pamilya, at sa mas higit na partikular, ng kanilang mga magulang. Kung sinabi Ko ito sampung taon na ang nakararaan, maaaring walang sinuman sa inyo ang kayang tanggapin ito, at maaaring lahat kayo ay nakaramdam ng galit sa Akin. Gayunpaman, karamihan sa inyo ngayon ay kayang makatwiran na tanggapin ang pahayag na ito bilang tama, at tumugon ng “amen” dito, tama ba? (Oo.) Bakit tama ang pahayag na ito? Upang maunawaan iyon, kailangan ng mga tao na unti-unting pahalagahan ito sa kabuuan ng kanilang karanasan. Kung mas tiyak at malalim ang iyong pagpapahalaga, at kung mas sumasalamin dito ang iyong mga karanasan, mas higit mong masasang-ayunan ang pahayag na ito.
Ang pagkokondisyon ng pamilya ay malamang na may kasama pang mas maraming panuntunan para sa pag-asal at pagharap sa mundo. Halimbawa, kadalasang sinasabi ng mga magulang, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya; masyado kang hangal at madaling lokohin.” Madalas na inuulit ng mga magulang ang mga ganitong uri ng mga salita, at maging ang mga nakatatanda ay madalas kang punahin, sinasabing, “Maging mabuti kang tao, huwag mong pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi kang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin sa iyo ng iba. Lahat ng tao ay masama. Maaaring nakikita mo na nagsasabi ng magagandang bagay sa iyo ang isang tao sa panlabas, pero hindi mo alam kung ano ang iniisip niya. Ang puso ng isang tao ay nakatago sa likod ng kanyang hitsura, at sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso.” Mayroon bang kongkretong aspekto sa mga pariralang ito? Kung literal na titingnan ang bawat isa sa mga ito, walang mali sa gayong mga parirala. Ang talagang iniisip ng isang tao sa kanyang kaloob-looban, kung ang puso niya ay malupit o mabuti, ay hindi malalaman. Imposibleng malaman kung ano talaga ang nasa kaluluwa ng isang tao. Ang kahulugan sa likod ng mga pariralang ito ay tila tama, subalit ang mga ito ay isang uri lamang ng doktrina. Ano ang prinsipyo sa pagharap sa mundo ang nakukuha ng mga tao mula sa dalawang pariralang ito sa huli? Ito ay na “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya.” Ito ang sinasabi ng mas matandang henerasyon. Madalas itong sinasabi ng mga magulang at nakatatanda, at palagi ka nilang pinapayuhan sa pagsasabing, “Mag-ingat ka, huwag kang maging hangal at ibunyag ang lahat ng nasa iyong puso. Matuto kang ingatan ang iyong sarili at maging mapagbantay. Kahit kasama ang mabubuting kaibigan, huwag mong ibunyag ang iyong tunay na sarili o ilahad ang iyong puso. Huwag mong isapanganib ang buhay mo para sa kanila.” Tama ba ang paalalang ito mula sa mga nakatatanda sa iyo? (Hindi, nagtuturo ito sa mga tao ng mga mapanlinlang na paraan.) Sa teorya, mabuti ang pangunahing layon nito: Upang protektahan ka, upang maiwasang malagay ka sa mga mapanganib na sitwasyon, upang protektahan ka mula sa pamiminsala at pandaraya ng iba, upang pangalagaan ang iyong mga pisikal na interes, ang iyong personal na seguridad, at ang iyong buhay. Ito ay para ilayo ka sa gulo, mga demanda, at tukso, at tulutan kang mamuhay araw-araw nang mapayapa, maayos, at masaya. Ang pangunahing layon ng mga magulang at nakatatanda ay para lang protektahan ka. Gayunpaman, ang paraan ng pagprotekta nila sa iyo, ang mga prinsipyong ipinapasunod nila sa iyo, at ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay hindi talaga tama. Bagamat tama ang kanilang pangunahing layon, ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay hindi sinasadyang nagtutulak sa iyo na gumawa ng mga bagay na hindi na normal. Ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay nagiging mga prinsipyo at batayan sa kung paano ka humarap sa mundo. Kapag nakikisalamuha ka sa iyong mga kaklase, kasamahan, katuwang sa trabaho, superyor, at sa bawat uri ng tao sa lipunan, mga tao mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, ang mga kaisipang ito na ikinintal ng iyong magulang ay nagiging iyong pangunahing birtud at prinsipyo sa tuwing pinangangasiwaan mo ang mga bagay na may kinalaman sa interpersonal na relasyon. Anong prinsipyo ito? Ito ay: Hindi kita pipinsalain, pero kailangan kong maging maingat laban sa iyo sa lahat ng oras para hindi mo ako malinlang o madaya, para maiwasan kong masangkot sa gulo o mga demanda, para hindi bumagsak ang kayamanan ng aking pamilya at hindi masira ang aking mga kapamilya, at para hindi ako humantong sa bilangguan. Sa pamumuhay sa ilalim ng kontrol ng gayong mga kaisipan at pananaw, sa pamumuhay sa gitna ng grupong panlipunang ito nang may ganoong saloobin sa pagharap sa mundo, mas malulugmok ka lang sa depresyon, mas mahahapo, pagod na pagod ang isip at katawan. Kasunod nito, mas lalabanan at tututulan mo ang mundo at sangkatauhang ito, lalong kasusuklaman ang mga ito. Habang kinasusuklaman ang iba, nagsisimula ring manliit ang tingin mo sa iyong sarili, pakiramdam mo ay hindi ka namumuhay sa paraang katulad ng sa isang tao, kundi sa halip, nakakapagod at nakapanlulumo ang buhay mo. Upang maiwasang mapinsala ng iba, kailangan mong palaging mag-ingat, gumagawa at nagsasabi ng mga bagay na labag sa iyong kalooban. Sa paghahangad na protektahan ang sarili mong mga interes at personal na kaligtasan, nagsusuot ka ng pekeng maskara sa bawat aspekto ng iyong buhay at ikaw ay nagbabalatkayo, hindi kailanman naglalakas-loob na magsalita ng katotohanan. Sa sitwasyong ito, sa ganitong mga kondisyon ng pag-iral, hindi makakahanap ng ginhawa o kalayaan ang kaloob-looban mo. Madalas kang nangangailangan ng isang taong hindi magpapahamak sa iyo at hindi kailanman makasasama sa iyong mga interes, isang taong maaari mong pagsabihan ng iyong mga iniisip sa iyong kaloob-looban at paglabasan ng iyong mga pagkadismaya, nang hindi mo kakailanganing panagutan ang iyong mga sinabi, hindi ka makatatanggap ng mga pangungutya, panunuya, panlilibak, o haharap sa anumang kahihinatnan. Sa sitwasyon kung saan ang kaisipan at pananaw na “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya” ay ang iyong prinsipyo sa pagharap sa mundo, ang kaloob-looban mo ay napupuno ng takot at kawalan ng kapanatagan. Natural na manlulumo ka, wala kang mapaglabasan, at kailangan mo ng isang taong mag-aalo sa iyo, isang taong mapagsasabihan mo. Samakatuwid, kung titingnan mula sa mga aspektong ito, bagamat ang prinsipyo sa pagharap sa mundo na itinuro sa iyo ng mga magulang mo, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” ay maaaring makapagprotekta sa iyo, parehong may mabuti at masamang epekto ito. Bagamat pinoprotektahan nito ang iyong mga pisikal na interes at personal na kaligtasan sa isang antas, dahil dito ikaw ay nanlulumo at nagiging miserable, wala kang mapaglabasan, at mas lalo pa ngang nagiging dismayado sa mundo at sangkatauhang ito. Kasabay nito, sa kaloob-looban mo, unti-unti ka na ring nayayamot na naipanganak ka sa isang napakasamang panahon, kasama ng napakasamang grupo ng mga tao. Hindi mo maintindihan kung bakit kailangang mabuhay ng mga tao, kung bakit sobrang nakakapagod ang buhay, kung bakit kailangan nilang magsuot ng maskara at magbalatkayo saanman sila magpunta, o kung bakit dapat palagi kang mag-ingat laban sa iba alang-alang sa sarili mong mga interes. Nais mong sabihin ang totoo, pero hindi mo magawa dahil sa mga kahihinatnan. Gusto mong maging isang tunay na tao, hayagang magsalita at umasal, at iwasang maging isang mababang-uri ng tao o gumawa ng mga napakasama at kahiya-hiyang gawa nang palihim, namumuhay lamang sa kadiliman, subalit hindi mo magawa ang alinman sa mga ito. Bakit hindi ka makapamuhay nang matuwid? Habang iniisip mo ang mga dati mong ginagawa, medyo may naramdaman kang pagkasuklam. Kinamumuhian at kinasusuklaman mo ang masamang kalakarang ito at ang masamang mundong ito, at kasabay nito, kinasusuklaman mo ang iyong sarili at kinamumuhian kung sino ka na ngayon. Gayunpaman, wala kang magagawa tungkol dito. Bagamat ipinasa sa iyo ng iyong mga magulang ang birtud na ito, sa pamamagitan ng kanilang mga salita at kilos, ipinaparamdam pa rin nito sa iyo na walang kaligayahan o seguridad ang buhay mo. Kapag nararamdaman mo itong kawalan ng kaligayahan, seguridad, integridad at dignidad, parehong nagpapasalamat ka sa iyong mga magulang sa pagbibigay sa iyo ng birtud na ito at nagagalit dahil sa mga tanikalang inilagay nila sa iyo. Hindi mo naiintindihan kung bakit sinabi sa iyo ng iyong mga magulang na umasal ka sa ganitong paraan, kung bakit kailangan mong umasal nang ganito para magkaroon ng posisyon sa lipunan, para maging bahagi ng grupong panlipunang ito, at para maprotektahan ang iyong sarili. Bagamat isa itong birtud, isa rin itong uri ng kadena na nagpaparamdam sa iyo ng kapwa pagmamahal at poot sa puso mo. Subalit ano ang magagawa mo? Wala kang tamang landas sa buhay, walang nagsasabi sa iyo kung paano mamuhay o kung paano harapin ang mga bagay na sasapit sa iyo, at walang nagsasabi sa iyo kung tama ba o mali ang ginagawa mo, o kung paano mo dapat tahakin ang landas na nasa harapan mo. Nagagawa mo lang pagdaanan ang pagkalito, pag-aalinlangan, pasakit, at pagkabalisa. Ito ang mga kahihinatnan ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang at pamilya, ginagawa nila ito upang hindi maisakatuparan ang pinakasimple mong pangarap na maging isang simpleng tao, tulad ng hangarin mo na umasal nang matuwid at hindi gumagamit nitong mga pamamaraan ng pagharap sa mundo. Maaari ka lamang mamuhay sa mababang paraan, nagkokompromiso at namumuhay alang-alang sa iyong reputasyon, nagpapakabangis ka para mag-ingat laban sa ibang tao, nagpapanggap na mabangis, matayog at malakas, at makapangyarihan at hindi pangkaraniwan para hindi api-apihin ng iba. Maaari ka lamang mamuhay nang ganito nang labag sa iyong kalooban, at dahil dito ay nasusuklam ka sa iyong sarili, ngunit wala kang magagawa. Dahil wala kang abilidad o landas para makatakas sa mga paraan at estratehiyang ito ng pagharap sa mundo, maaari mo lang hayaang manipulahin ka ng mga kaisipang ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya at mga magulang. Nang hindi nila namamalayan, ang mga tao ay niloloko at kinokontrol ng mga kaisipang ikinintal sa kanila ng kanilang mga pamilya at mga magulang sa panahon ng prosesong ito, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan o kung paano sila dapat mamuhay, kaya’t maaari lamang nilang ipaubaya ito sa kapalaran. Kahit sila ay nakararamdam ng kaunting konsensiya, o may kaunting pagnanais na mamuhay nang may wangis ng tao, upang makisama at makipagkumpitensya sa iba nang patas, anuman ang kanilang mga ninanais, hindi nila matakasan ang pagkokondisyon at kontrol ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na nagmumula sa kanilang pamilya, at sa huli, bumabalik na lamang sila sa kaisipan at pananaw na ikinondisyon sa kanila ng kanilang pamilya na “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” dahil wala silang ibang landas na matatahak—wala silang pagpipilian. Ang lahat ng ito ay dahil walang pagkaunawa ang mga tao sa katotohanan at bigo silang makamit ang katotohanan. Siyempre, sinasabi rin sa iyo ng mga magulang, “Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso”; sinasabi nila sa iyo ang tungkol sa kasanayan ng pagiging maingat laban sa iba, at sinasabi sa iyo na gawin ito dahil lahat ng tao ay tuso; madaling malinlang kung hindi mo nakikilala ang tunay na pagkatao ng iba, ang kanilang mga iniisip ay maaaring hindi katulad ng kanilang panlabas na anyo, ang isang tao ay maaaring mukhang matuwid at mabait kung titingnan, ngunit ang kanilang puso ay makamandag na gaya ng isang ahas o alakdan; o, sa panlabas, maaaring nagsasalita ang isang tao tungkol sa kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, sinasabi ang lahat ng tamang bagay, ang kanyang pananalita ay puno ng katuwiran at moralidad, ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso at kaluluwa, siya ay talagang marumi, kasuklam-suklam, mababa, at masama. Kaya, maaari ka lamang humarap at makipag-ugnayan sa iba batay sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang.
“Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” at “Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso” ang mga pinakabatayang prinsipyo ng pagharap sa mundo na ikinikintal sa iyo ng mga magulang, at ito rin ang pinakapundamental na pamantayan sa pagtingin sa mga tao at pag-iingat laban sa kanila. Ang pangunahing pakay ng mga magulang ay ang protektahan ka at tulungan kang protektahan ang iyong sarili. Gayunpaman, mula sa ibang anggulo, ang mga salita, kaisipan, at pananaw na ito ay maaaring mas magparamdam sa iyo na ang mundo ay mapanganib at ang mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan, kaya ganap kang nawawalan ng positibong damdamin para sa iba. Ngunit paano mo ba talaga magagawang kilatisin ang mga tao at tingnan ang iba? Sinong mga tao ang makakasundo mo, at ano ang dapat na tamang ugnayan sa pagitan ng mga tao? Paano dapat makisalamuha ang isang tao sa iba batay sa mga prinsipyo, at paano makikisalamuha ang isang tao sa iba nang patas at maayos? Walang alam ang mga magulang tungkol sa mga bagay na ito. Alam lang nila kung paano gumamit ng mga panlalansi, pakana, at iba’t ibang panuntunan at estratehiya sa pagharap sa mundo upang mag-ingat laban sa mga tao, at upang samantalahin at kontrolin ang iba, para maprotektahan ang kanilang sarili mula sa pamiminsala ng iba, gaano man nila pinipinsala ang iba. Habang itinuturo ang mga kaisipan at pananaw na ito sa kanilang mga anak, ang mga bagay na ikinikintal sa kanila ng mga magulang ay mga partikular na estratehiya lamang sa pagharap sa mundo. Ang mga ito ay mga estratehiya lamang. Ano ang kasama sa mga estratehiyang ito? Ang lahat ng uri ng panlalansi, mga panuntunan sa pakikipag-ugnayan, kung paano palugurin ang iba, kung paano protektahan ang sariling mga interes, at kung paano mapalaki ang pansariling pakinabang. Katotohanan ba ang mga prinsipyong ito? (Hindi.) Ang mga prinsipyong ito ba ang tamang landas na dapat sundin ng mga tao? (Hindi.) Wala sa mga ito ang tamang landas. Kaya, ano ang diwa ng mga kaisipang ito na ikinikintal ng mga magulang sa iyo? Ang mga ito ay hindi naaayon sa katotohanan, hindi ang tamang landas, at hindi mga positibong bagay. Kung gayon, ano ang mga ito? (Ang mga ito ay ganap na pilosopiya ni Satanas na nagtitiwali sa atin.) Kung titingnan ang mga resulta, ginagawa nitong tiwali ang mga tao. Kaya, ano ang diwa ng mga kaisipang ito? Tulad ng, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya”—ito ba ang tamang prinsipyo sa pakikisalamuha sa iba? (Hindi, ganap na negatibong bagay ang mga ito na nagmumula kay Satanas.) Ang mga ito ay mga negatibong bagay na nagmumula kay Satanas—kaya ano ang diwa at kalikasan ng mga ito? Hindi ba’t mga panlalansi ang mga ito? Hindi ba’t mga estratehiya ang mga ito? Hindi ba’t mga taktika ang mga ito para makuha ang loob ng iba? (Oo.) Ang mga ito ay hindi ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagpasok sa katotohanan, o mga positibong prinsipyo at direksiyon kung saan itinuturo ng Diyos sa mga tao kung paano umasal; ang mga ito ay mga estratehiya sa pagharap sa mundo, mga panlalansi ang mga ito. Bukod dito, ganoon din ba ang likas na katangian ng mga pariralang tulad ng “Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso”? (Oo.) Hindi ba’t sinasabi sa iyo ng mga pariralang ito na maging tuso, na huwag maging simple, prangka, o matuwid, na maging isang taong mahirap makilatis, at pahirapan ang iba na makita ang tunay mong pagkatao? Hindi ba’t ang mga partikular na prinsipyo sa pagharap sa mundo, na dulot sa iyo ng mga kaisipan at pananaw na ito, ay nagsasabi sa iyo na gumamit ng mga estratehiya kapag nakikipag-ugnayan sa iba, na matuto kung paano makuha ang loob ng iba, at matutunan ang mga panuntunan sa pakikipag-ugnayan na lumalaganap sa mga tao sa bawat panahon? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi ng mga magulang sa mga tao ang mga pariralang ito para turuan silang mag-ingat laban sa iba at matuto kung paano tingnan ang mga tao.” Sinabi ba nila sa iyo kung paano tingnan ang iba? Hindi nila sinabi sa iyo kung paano tingnan ang iba, hindi nila sinabi sa iyo na harapin ang iba’t ibang tao ayon sa mga tamang prinsipyo, sa halip ay sinabi nila na gumamit ng mga katumbas na panlalansi at pakana para matugunan ang mga pangangailangan at estratehiya ng iba’t ibang tao. Halimbawa, ang iyong amo o superyor ay napakasama at isang babaero. Iniisip mo, “Mukhang kagalang-galang sa panlabas ang amo ko, mukha siyang matuwid, pero ang totoo, babaero siya. Ganoon siyang uri ng napakasamang tao sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ayos lang iyon, tutugunan ko ang kanyang mga kagustuhan, titingnan kung sinong babae ang maganda, lalapitan ito, at ipapakilala sa amo ko para pasayahin siya.” Ito ba ay isang estratehiya sa pagharap sa mundo? (Oo.) Halimbawa, kapag nakakita ka ng isang tao na may halaga para pagsamantalahan at karapat-dapat sa iyong pakikipag-ugnayan, ngunit hindi siya madaling kalabanin, iniisip mo, “Kailangan ko siyang bolahin, sabihin ang anumang gusto niyang marinig.” Sasabihin ng taong iyon, “Maaliwalas ang panahon ngayon.” Sasabihin mo naman, “Talagang maaliwalas ang panahon ngayon, magiging maaliwalas din bukas.” Sasabihin niyang “Ang lamig talaga ng panahon ngayon.” Sasabihin mo naman na “Oo, malamig nga. Bakit hindi ka magdamit ng mas makapal? Makapal ang coat ko, heto, isuot mo.” Sa sandaling humihikab siya, nagmamadali kang abutan siya ng unan; kapag naglalabas siya ng bote ng gamot, kaagad kang nagsasalin ng tubig para sa kanya; kapag umuupo siya matapos kumain, kaagad kang nagtitimpla ng tsaa para sa kanya. Hindi ba’t mga estratehiya ito sa pagharap sa mundo? (Oo.) Ang mga ito ay mga estratehiya sa pagharap sa mundo. Bakit mo nagagamit ang mga estratehiyang ito? Bakit gusto mo siyang purihin? Kung hindi mo siya kailangan at wala siyang pakinabang sa iyo, ituturing mo pa rin ba siya nang ganito? (Hindi.) Hindi, katulad ito ng madalas sabihin ng mga tao, “Huwag tumulong kung walang gantimpala.” Katulad ito ng pagdadala ng pandilig sa halamanan—dinidiligan mo lamang iyong mga kapaki-pakinabang. Aktibo kang pumupunta at nambobola sa mga taong may pakinabang sa iyo. Sa sandaling bumaba na sila o naalis sa kanilang posisyon, agad na lumalamig ang pagtrato mo sa kanila at hindi mo na sila pinapansin. Kapag tinatawagan ka nila, ibinababa mo ang iyong telepono o nagkukunwari kang abala ang linya at hindi ka sumasagot. Kapag nakikita mo sila, binabati ka nila at sinasabing, “Maaliwalas ang panahon ngayon.” Itinataboy mo sila, sinasabing, “Ah, oo. Paalam, mag-usap na lang tayo sa susunod kapag may nangyari, ililibre kita minsan.” Mga pangako lamang ito, at pagkatapos ay hindi mo na sila pinapansin, hindi nakikipag-ugnayan sa kanila, at bina-block mo pa nga sila. Ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na ikinikintal ng mga magulang sa mga tao ay nagtatatag ng isang di-nakikitang harang sa paligid ng kanilang puso. Kasabay nito, ikinikintal din nila ang ilang batayang paraan sa pagharap sa mundo o sa pag-iral, itinuturo sa mga tao kung paano paboran ang magkabilang panig at kung paano maging bahagi ng isang grupong panlipunan, kung paano itatag ang kanilang sarili sa lipunan, at kung paano hindi maapi sa isang grupo ng mga tao. Bagamat bago ka pumasok sa lipunan ay hindi ka partikular na ginabayan ng iyong mga magulang sa kung paano harapin ang ilang partikular na sitwasyon, ang pagkokondisyon ng mga magulang o pamilya pagdating sa mga paraan at prinsipyong ito ng pagharap sa mundo ay nakapagbigay na sa iyo ng mga batayang pananaw at prinsipyo sa pagharap sa mundo. Ano itong mga pangunahing pananaw at prinsipyo sa pagharap sa mundo? Tinuturuan ka ng mga ito kung paano magsuot ng maskara sa tuwing nakikisalamuha ka sa mga tao, kung paano mamuhay nang nakamaskara sa bawat grupong panlipunan, at sa huli ay makamit ang layon na maprotektahan ang iyong kasikatan at pakinabang mula sa mga kawalan, at kasabay nito ay makamit ang kasikatan at pakinabang na gusto mo, o magtamo ng batayang garantiya ng personal na kaligtasan. Mula sa mga kaisipan at pananaw at iba’t ibang estratehiya sa pagharap sa mundo na ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang, makikita na hindi ka tinuruan ng mga magulang kung paano maging isang mas marangal na tao, kung paano maging isang tunay na tao, kung paano maging isang mabuting nilikha, o kung paano maging isang taong nagtataglay ng katotohanan. Sa kabaligtaran, sinabi nila sa iyo kung paano linlangin ang iba, kung paano mag-ingat laban sa iba, kung paano gumamit ng mga estratehiya para makisalamuha sa iba’t ibang tao, pati na rin kung ano ba ang totoong katangian ng puso ng mga tao at totoong katangian ng sangkatauhan. Sa ilalim ng pagkokondisyon ng mga kaisipan at pananaw na ito mula sa iyong mga magulang, ang iyong kaloob-looban ay patuloy na nagiging mas masama, at nagkakaroon ka ng pagkadisgusto sa mga tao. Sa iyong murang puso, bago ka pa man magkaroon ng anumang estratehiya sa pagharap sa mundo, mayroon ka nang panimula at pangunahing depinisyon ng sangkatauhan, pati na rin ng isang panimula at pangunahing prinsipyo sa kung paano harapin ang mundo. Kaya, anong papel ang ginagampanan ng mga magulang sa iyong pagharap sa mundo? Walang dudang ginagampanan nila ang papel ng pag-akay sa iyo sa maling landas; hindi ka nila inaakay para tahakin ang mabuting landas, o na ginagabayan ka tungo sa tamang landas ng buhay ng tao sa isang positibo at maagap na paraan, kundi sa halip ay inililigaw ka nila.
Bukod sa pagkokondisyon sa kanila gamit ang mga kasabihang gaya ng “Ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” madalas na sinasabi ng mga magulang sa mga anak na lalaki: “‘Ang mabuting tandang ay hindi nakikipaglaban sa mga aso; ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae’; huwag kang makipaglaro o makipag-away sa mga babae; huwag mong ibaba ang iyong sarili sa kanilang antas; sila ay mga babae, at dapat na maging maluwag ka sa kanila.” Bakit mo kailangang maging maluwag sa kanila? Kung may nagawa silang mali, hindi ka dapat maging maluwag sa kanila o palayawin sila. Ang mga lalaki at babae ay magkapantay. Ipinanganak at pinalaki rin sila ng isang nanay at tatay katulad mo, kaya bakit ka magiging maluwag sa kanila? Dahil lang ba sa mga babae sila? Kapag nakagawa sila ng mali, dapat silang maparusahan, mapangaralan tungkol dito, umamin sa kanilang pagkakamali, humingi ng tawad, maunawaan kung ano ang nagawa nilang mali, at na hindi na nila dapat ulitin ang parehong pagkakamali sa susunod na maharap sila sa mga gayong usapin. Dapat kang matuto kung paano sila tutulungan, sa halip na sundin ang prinsipyong “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae” na itinuro sa iyo ng iyong mga magulang sa pagharap sa sitwasyon. Lahat ng tao ay nagkakamali minsan, kapwa lalaki at babae. Kapag nagkakamali sila, dapat nilang aminin at pagsisihan ang mga ito. Ang mga lalaki at babae ay kapwa dapat tumahak sa tamang landas at mamuhay nang may dignidad, sa halip na sumunod sa kung ano ang sinabi ng kanilang mga magulang: “Ang mabuting tandang ay hindi nakikipaglaban sa mga aso; ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae.” Hindi naipapakita ng isang lalaki ang kanyang kabutihan sa pamamagitan ng hindi pakikipag-away sa mga babae, o sa pamamagitan ng pagbaba ng sarili niya sa antas ng mga babae. Kita mo, kadalasang sinasabi ng mga magulang: “Ang mga babae ay may mahahabang buhok ngunit kakaunti ang kaalaman. Wala silang potensyal, huwag kang gumaya sa kanila, huwag mo silang seryosohin o pansinin.” Ano ang ibig mong sabihin na “huwag mo silang pansinin”? Ang isyu sa mga prinsipyo ay kailangang linawin at ipaliwanag. Sino ang nagkamali, sino ang nagsabi ng positibo o negatibong bagay, sino ang nagbanggit ng tamang landas—ang mga bagay na may kinalaman sa mga prinsipyo, landas, at pag-asal ay dapat na linawin. Huwag lumikha ng kalituhan sa kung ano ang tama at mali; kahit para sa isang babae, dapat mong linawin ang mga bagay-bagay. Kung talagang isinasaalang-alang mo siya, dapat mong sabihin sa kanya ang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao, tulungan siyang tumahak sa tamang landas, huwag siyang palayawin, at huwag iwasan na seryosohin siya o linawin ang mga bagay-bagay dahil lamang sa isa siyang babae. Ang kababaihan ay dapat ding mamuhay nang may dignidad at hindi dapat palayawin ang kanilang sarili o tumanggi na maging makatwiran dahil lamang sa nakikipagkompromiso sa kanila ang mga lalaki. Ang mga lalaki at babae ay magkaiba lamang sa katawan, ngunit sa mga mata ng Diyos, ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan ay pareho. Pareho silang mga nilikha, at maliban sa mga kaibahan sa kanilang kasarian, wala na silang gaanong ipinagkakaiba. Pareho silang nakararanas ng katiwalian at iisa ang kanilang mga prinsipyo ng pag-asal. Parehong-pareho ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos sa mga lalaki at babae, walang pinagkaiba ang mga ito. Kaya, totoo ba ang turo ng magulang na “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae”? (Hindi.) Ano ang tamang diskarte kung gayon? Hindi ito tungkol sa pagkikipag-away kundi sa pag-ayon ng iyong pagsasagawa sa mga prinsipyo. Ano ang ibig sabihin ng mga magulang sa gayong mga pananalita? Hindi ba’t pinapaboran nito ang mga anak na lalaki kaysa sa mga anak na babae? Parang sinasabi nila na “Ang mga babae ay may mahahabang buhok ngunit kakaunti ang kaalaman. Sila ay walang muwang, halos wala silang katalinuhan. Bakit kailangan pang mangatwiran sa kanila? Hindi naman nila ito maiintindihan. Gaya nga ng kasabihan, ‘Ang mga babaeng malalaki ang dibdib ay walang utak, mahahaba ang kanilang buhok ngunit kakaunti ang kaalaman.’ Bakit mo pa poproblemahin ang mga babae o seseryosohin sila?” Hindi ba tao ang mga babae? Hindi ba inililigtas ng Diyos ang mga babae? Hindi ba Niya ibinabahagi sa kanila ang katotohanan, o binibigyan sila ng buhay? Ganoon ba ang lagay? (Hindi.) Kung hindi ito ginagawa ng Diyos, kung hindi Niya tinatrato nang hindi patas ang kababaihan, paano ka dapat kumilos? Tratuhin mo ang mga babae ayon sa mga prinsipyong itinuturo sa iyo ng Diyos; huwag mong tanggapin ang mga kaisipan ng iyong mga magulang o ituring na mas mababa ang mga babae kaysa sa mga lalaki. Bagamat maaaring medyo mas matibay ang iyong mga buto at kalamnan kaysa sa mga babae, bagamat maaaring mas malaki at malakas ang katawan mo, bagamat maaaring mas marami ang kinakain mo, ang iyong tiwaling disposisyon, pagiging mapanghimagsik, at ang antas ng hindi mo pagkaunawa sa katotohanan ay walang pinagkaiba sa mga babae. Ang mga kasanayan sa buhay kung saan ka mahusay ay maaaring iba sa kababaihan: Mahusay ka sa mga electroniko at makinarya, samantalang ang mga babae ay magaling sa pagbuburda, pananahi, at pagsusulsi. Kaya mo bang gawin ang mga bagay na iyon? Habang ang mga lalaki ay mahusay sa pagbuo ng mga bagay-bagay, ang mga babae naman ay mahusay sa pagpapaganda. Habang ang mga lalaki ay marunong magpatakbo ng iba’t ibang makinarya at kagamitan, ang mga babae ay hindi rin naman napag-iiwanan. May kakulangan nga ba sa mga babae? Ang lahat ng gayong paghahambing ay walang patutunguhan. Ang punto rito ay bitiwan mo ang pangmamaliit sa mga babae. Huwag mong tanggapin ang mga kaisipang tulad ng “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae”; ang mga bagay na sinasabi ng mga magulang ay hindi ang katotohanan, nakakapinsala ang mga ito sa iyo. Huwag na huwag mong sasabihin ang mga bagay na ito na nanghahamak sa kababaihan—tahasan itong sumasalungat sa katwiran at kawastuhan. Anong uri ng isyu ang hindi paggalang sa kababaihan? Mayroon man lang bang pagkatao ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay? (Wala.) Wala silang pagkatao. Kung hindi mo nirerespeto ang mga babae, tandaan mo na ang iyong ina, ang iyong mga lola, at mga kapatid ay pawang mga babae. Ayos lang ba sa kanilang makatanggap ng gayong kawalan ng respeto? Sinasabi pa nga ng ilang ina sa kanilang mga anak na lalaki, “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae.” Hindi ba’t hangal ang mga ganitong ina? Ang ganitong mga ina ay mahina ang isip, at bilang mga babae mismo, hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sarili; malinaw na magulo ang isip nila at hindi nila alam kung ano ang kanilang sinasabi. Ang pahayag na “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae” ay tahasang sumasalungat sa katwiran at kawastuhan. Hindi kailanman tinukoy ng Diyos ang mga babae sa ganitong paraan, ni hindi Niya kailanman pinagsabihan ang mga lalaki, sinasabing, “Ang mga babae ay marupok, sila ay may mahahabang buhok ngunit kakaunti ang kaalaman, at wala silang sentido komun. Huwag mo silang awayin. Kahit na awayin mo sila, hindi mo malinaw na maaayos ang mga bagay. Sa lahat ng bagay, maging mapagpatawad at mapagpaunlak, huwag mo silang seryosohin; ang mga lalaki ay dapat malawak ang pag-iisip at bukas sa lahat-lahat.” May sinabi bang ganito ang Diyos kailanman? (Wala.) Dahil hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay, huwag mong gawin ang mga ito o tingnan ang mga babae nang may gayong mga pananaw. Ito ay diskriminasyon at kawalan ng respeto sa kababaihan. Maaari kang tumulong sa mga bagay na kapos ang kasanayan ng mga babae, ngunit kailangan mo rin sila na tumulong sa mga bagay na wala kang kasanayan. Ang pagsandal sa isa’t isa at pagpupuno sa kakulangan ng isa’t isa ang tamang pananaw. Bakit ito ang tamang pananaw? Dahil ang mga kalakasan ng kapwa lalaki at babae ay inorden ng Diyos. Anong mga kaisipan at pananaw ang dapat mong panghawakan para harapin ang katunayan na ang mga kalakasan ng kapwa lalaki at babae ay inorden ng Diyos? Ito ay ang punan ang isa’t isa—ito ang prinsipyo ng pagsasagawa. Hindi dapat diskriminahin ng mga lalaki ang mga babae, at ang mga babae ay hindi dapat masyadong sunud-sunuran sa mga lalaki, iniisip na, “Sa wakas, mayroon na tayong brother sa iglesia natin, isang sandigan ng lakas. Ngayon, kompleto na ang aming iglesia, mayroon nang makakasuporta sa amin at makakapangasiwa ng mga bagay-bagay para sa amin, para pamunuan kami.” Ikaw ba ay mas mababa? Nasa mga lalaki ba ang pananalig mo? Kung ang iglesia ay binubuo lamang ng mga sister, nangangahulugan ba ito na wala ka nang pananalig sa Diyos? Na hindi ka maliligtas o makauunawa sa katotohanan? Kapag may nagkokomento nang hindi nag-iisip, “Bakit walang mga brother sa iglesia ninyo?” pakiramdam mo ay para kang sinaksak sa puso, sinasabing, “Huwag mo nang banggitin, iyan ang isang pagkukulang sa iglesia namin. Ayaw naming mapag-usapan ito; napansin mo ang tanging pinagsisihan namin,” at nananalangin ka, “Diyos ko, kailan Ka maghahanda ng isang brother para sa iglesia namin?” Mga brother ba ang nagpapanatili sa iglesia? Hindi ba ito makakatayo nang walang mga brother? Sinabi ba ito ng Diyos kailanman? (Hindi, hindi Niya ito sinabi.) Hindi ito kailanman sinabi ng Diyos, hindi rin Niya kailanman sinabi na ang isang iglesia ay kailangang magkaroon ng babae at lalaki bago ito maitatag, o na hindi ito maitatatag nang may isang kasarian lamang. Kahit kailan ba ay sinabi Niya ito? (Hindi.) Ang lahat ng ito ay bunga ng sobenismo na ikinondisyon ng pamilya. Umaasa ka sa mga lalaki sa lahat ng bagay, at sa sandaling may nangyayari, sinasabi mo, “Kailangan ko muna itong talakayin sa asawa ko pag-uwi niya,” o “Abala kamakailan ang mga brother sa iglesia namin, kaya walang namumuno sa pag-aasikaso sa bagay na ito.” Kung gayon, para saan ba ang mga babae? Hindi mo ba kayang pangasiwaan ang mga gampaning ito? Wala ka bang bibig o mga paa? Walang kulang sa iyo: Nauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, at dapat kang kumilos nang naaayon. Ang mga lalaki ay hindi mo mga amo, hindi rin sila ang iyong mga pinuno; ordinaryong tao lamang sila, mga miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Matuto kang umasa sa Diyos at sa Kanyang mga salita sa lahat ng iyong ginagawa. Ito ang prinsipyo at daan na dapat mong sundin, sa halip na sumandal sa sinumang tao. Bagamat hindi Ko isinusulong ang sobenismo, siyempre ginagawa Ko ito hindi para itaas ang mga karapatan ng kababaihan o ipagtanggol ang mga ito, kundi upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang isang aspekto ng katotohanan. Aling aspekto ng katotohanan? Na ang kasabihang ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang, “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae,” ay hindi tama; ikinikintal at itinuturo nito ang isang maling kaisipan. Hindi ka dapat mapangunahan ng kaisipan at pananaw na ito sa iyong papel bilang lalaki o sa kung paano mo tratuhin ang mga babae. Ito ay isang aspekto ng katotohanan na dapat mong maunawaan. Huwag palaging isipin na “Lalaki ako, dapat kong isaalang-alang ang mga isyu mula sa perspektiba ng isang lalaki, dapat akong magpakita ng konsiderasyon sa mga sister na ito at protektahan, tiisin, at patawarin sila mula sa posisyon ng isang lalaki, hindi sineseryoso ang sinuman sa kanila. Kung nais tumakbo sa halalan ng isang sister para maging lider ng iglesia, pakikitunguhan ko siya nang may paggalang, at hahayaan siyang mamuno.” Sa anong batayan? Dahil lang sa ikaw ay lalaki, sa tingin mo ay bukas ka sa lahat-lahat? Kaya mo ba silang tiisin? Ni hindi mo nga kayang tiisin ang iyong sarili. Ang pamumuno sa iglesia ay dapat pagpasyahan sa kung sino ang angkop para sa tungkulin. Kung pipiliin ka ng mga kapatid, dapat mong balikatin ang pasanin na ito. Pareho itong responsabilidad at tungkulin mo. Bakit ka basta-bastang tumatanggi? Para ipakita kung gaano ka karangal? Iyan ba ang prinsipyo ng pagsasagawa? Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Mali ang tumanggi at mali ang ipaglaban ito; kung gayon, ano ang tamang paraan ng pagkilos? Ang tamang paraan ay ang ibatay ang iyong mga kilos sa mga salita ng Diyos at gamitin mong pamantayan ang katotohanan. Itinuro sa inyo ng inyong mga magulang na “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae.” Ilang taon ka nang namumuhay nang may ganitong sobenismong kaisipan at pananaw? Iniisip ng maraming tao, “Ang paglalaba at pagsusulsi ay pawang gawain ng kababaihan. Hayaan na ang mga babaeng mag-asikaso ng mga ito. Naiinis talaga ako kapag kailangan kong gawin ang mga gawaing ito; pakiramdam ko ay nababawasan ang aking pagkalalaki.” Kaya, ano ang mangyayari kung gagawin mo ito? Hindi ka na ba lalaki? Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga damit ko ay palaging nilalabhan ng nanay, kapatid kong babae, o ng lola ko. Hindi pa ako kailanman nakagawa ng ‘gawaing pambabae.’” Ngayon, ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at kailangan mong makapagsarili. Ito ang dapat mong gawin; ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Gagawin mo ba ito? (Oo.) Kung tutol ang puso mo, ayaw mo at palagi mong iniisip ang iyong ina dahil sa bagay na ito, kung gayon, talagang wala kang kwenta. Ang mga lalaki ay may mga ganitong sobenismong kaisipan, at minamaliit nila ang ilang gawain tulad ng pag-aalaga ng mga bata, pagliligpit sa bahay, paglalaba, at paglilinis. Ang ilan ay talagang matindi ang sobenismo, at nayayamot sa mga gawaing-bahay na ito, ayaw nilang gawin ang mga ito, o kung gagawin man nila ang mga ito, ginagawa nila ito nang labag sa kanilang loob, natatakot na hahamakin sila ng iba. Iniisip nila, “Kung palagi kong ginagawa ang mga gawaing-bahay na ito, hindi kaya ako maging binabae?” Anong kaisipan at pananaw ang kumokontrol nito? Hindi ba’t may problema sa kaisipan nila? (Oo, mayroon.) May problema ang kaisipan nila. Tingnan ang ilang rehiyon kung saan ang mga lalaki ay palaging nakasuot ng apron at nagluluto. Pag-uwi ng babae mula sa trabaho, hinahainan siya ng lalaki ng pagkain, sinasabing, “Heto, kumain ka na. Masarap talaga ito; niluto ko ang lahat ng paborito mo ngayon.” Angkop lang na kainin ng babae ang nakahandang pagkain, at angkop lang na ihanda ito ng lalaki, nang hindi kailanman nararamdaman na isa siyang maybahay. Sa sandaling lumabas siya at tinanggal ang kanyang apron, hindi ba’t lalaki pa rin siya? Sa ilang rehiyon kung saan talagang malubha ang sobenismo, hindi maikakailang pinalayaw sila ng pagkokondisyon at impluwensiya ng pamilya. Iniligtas o ipinahamak ba sila ng pagkokondisyong ito? (Ipinahamak sila nito.) Ito ay nakapipinsala sa kanila. Ang ilang lalaki na edad trenta, kwarenta, o maging singkuwenta ay hindi man lang kayang maglaba ng sarili nilang medyas. Hindi sila nagpapalit ng sando sa loob ng kalahating buwan, madumi na ito pero ayaw nilang labhan; wala silang kaalam-alam sa kung paano ito labhan, sa kung gaano karaming tubig o sabon ang gagamitin, at kung paano ito malilinis. Isinusuot lamang nila ito nang ganoon at iniisip na, “Balang araw, magpapabili ako sa nanay o asawa ko ng maraming sando at medyas para malabhan ko ang mga ito ng kahit isang beses kada dalawang buwan. Ang saya kung may mga araw na paparito ang nanay o asawa ko para labhan ang mga iyon para sa akin!” Ang ugat ng kanilang pag-ayaw sa mga gawaing ito ay may partikular na kaugnayan sa edukasyong natanggap nila sa mga kamay ng kanilang pamilya at mga magulang. Ang mga kaisipan at pananaw na ikinikintal ng mga magulang ay nakakaapekto sa mga pinakapangunahin at pinakasimpleng tuntunin sa pamumuhay, pati na sa ilang maling pananaw tungkol sa mga tao. Kung ibubuod, ang lahat ng ito ay binubuo ng pagkokondisyon ng pamilya sa mga kaisipan ng mga tao. Hindi mahalaga kung gaano kalaki ang epekto ng mga ito sa buhay ng isang tao sa panahon ng kanilang pananampalataya sa Diyos at pag-iral, o kung gaano kalaking problema at abala ang idinudulot ng mga ito, likas na mayroong partikular na kaugnayan ang mga ito sa ideolohikal na pagtuturo ng mga magulang. Kung nasa hustong gulang ka na ngayon at namumuhay ayon sa mga kaisipan at pananaw na ito sa loob ng maraming taon, kung gayon, hindi magbabago ang mga ito nang ganoon kadali—kakailanganin nito ng sapat na panahon. Kung ang mga kaisipan at pananaw na ito ay tumutukoy sa paggampan sa tungkulin ng isang tao o sa mga prinsipyo ng pag-uugali at pagharap sa mundo, at kung hinahangad mo ang katotohanan, dapat mong sikaping baguhin ang mga isyung ito at pasukin ang katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Kung ang mga ito ay nauugnay lamang sa mga aspekto ng personal na buhay ng isang tao, mas mabuti kung handa kang magbago. Kung hindi mo ito magagawa, kung tila masyadong mabigat o mahirap ito, o sanay ka na sa ganitong pamumuhay at hindi mo na kayang magbago, kung gayon, walang pumipilit sa iyo. Tinutukoy Ko lang ang mga ito para malaman mo kung ano ang tama at kung ano ang mali. Tungkol naman sa mga personal na isyung ito sa pamumuhay, ikaw mismo ang tumimbang dito—hindi namin ipipilit ang usaping ito. Tungkol naman sa kung gaano mo kadalas nilalabhan ang iyong mga medyas, at kung susulsihan mo man ang mga ito o itatapon kapag nabubutas, nasa sa iyo na iyon. Ibatay mo ito sa sitwasyon mo—hindi kami magtatakda ng anumang mga partikular na panuntunan.
Sa ilang pamilya, dahil maykaya ang kanilang pinagmulan, madalas sabihin ng mga magulang sa kanilang mga anak, “Kapag lumalabas ka, tandaan mo ang pinagmulan mong pamilya at kung sino ang iyong mga ninuno. Dapat kang kumilos sa paraang nagbibigay-karangalan at kaluwalhatian sa pangalan ng ating pamilya kapag kasama mo ang iba sa lipunan. Huwag kailanman sirain ang reputasyon ng ating ninuno. Palaging tandaan ang mga turo ng ating mga ninuno at huwag magdala ng kahihiyan sa ating angkan. Kung isang araw ay magkamali ka, sasabihin ng mga tao, ‘Hindi ba’t galing ka sa isang prominente at respetadong pamilya? Paano mo nagawa ang ganitong bagay?’ Pagtatawanan ka nila, pero hindi lamang ikaw ang pagtatawanan nila, kundi ang buong pamilya natin. Kung ganoon, sisirain mo ang pangalan ng pamilya natin at ipapahiya ang ating mga ninuno, hindi ito maaari.” Sinasabi rin ng ilang magulang sa kanilang mga anak, “Ang bansa natin ay isang dakilang bayan at sinaunang sibilisasyon. Hindi naging madaling makarating sa kasalukuyang buhay natin, kaya pahalagahan mo ito. Lalo na kapag nasa ibang bansa ka, dapat kang magdala ng kaluwalhatian at karangalan para sa mga Tsino. Huwag kang gumawa ng anumang bagay na maaaring magdulot ng kahihiyan sa ating bayan o makasira sa reputasyon ng mga Tsino.” Sa isang aspekto, sinasabi ng mga magulang sa iyo na magdala ng kaluwalhatian at karangalan para sa iyong pamilya at mga ninuno, at sa isa pang aspekto, para sa iyong bayan at etnisidad, hinihimok ka na huwag magdala ng kahihiyan sa iyong bansa. Mula sa murang edad, tinuturuan ang mga bata sa ganitong paraan ng kanilang mga magulang, at kapag pumapasok na sila sa paaralan, ganoon din ang tinuturo sa kanila ng kanilang mga guro, sinasabing, “Magdala ng kaluwalhatian para sa ating klase, paaralan, lungsod, at bansa. Huwag hayaang kutyain tayo ng mga dayuhan, sasabihing wala tayong kakayahan o na may mababang dangal tayo.” Sinasabi pa nga ng ilan sa iglesia, “Tayong mga Tsino ang unang nanalig. Kapag nakikisalamuha tayo sa mga banyagang kapatid, dapat tayong magdala ng kaluwalhatian para sa mga Tsino at itaguyod ang kanilang reputasyon.” Ang lahat ng kasabihang ito ay direktang nauugnay sa kung ano ang ikinikintal ng mga pamilya sa mga tao. Tama ba ang ganitong uri ng pagkikintal? (Hindi.) Bakit hindi? Anong kaluwalhatian ang hinahanap nila? Mayroon bang anumang silbi sa paghahanap ng gayong kaluwalhatian? (Wala.) May isang insidente kung saan ang isang lalaki mula sa Northeast China ay bumibisita sa iba’t ibang iglesia; kumuha siya ng 10,000 yuan mula sa pera na alay sa iglesia, at pagkatapos ay dali-daling umuwi ng bahay para doon gugulin ang kanyang mga araw. Nang malaman ito ng mga kapatid mula sa Northeast, sinabi ng ilan, “Kasuklam-suklam ang taong ito! Nangahas pa siyang kunin ang pera na alay sa iglesia. Tuluyan niyang sinira ang reputasyon ng mga taong mula sa Northeast! Kung sakaling makita natin siyang muli, dapat natin siyang turuan ng leksiyon!” Pagkatapos ng insidenteng ito, pakiramdam ng mga tao sa Northeast na nawala ang kanilang dangal. Sa tuwing nakikipag-usap sila sa mga kapatid mula sa ibang probinsiya, hindi sila naglalakas-loob na banggitin ang bagay na ito. Nahihiya sila, at natatakot silang sabihin ng iba, “Si ganito at ganyan mula sa inyong rehiyon sa Northeast ay tumakbo dala ang alay na pera.” Natatakot silang pag-usapan ito ng iba, at hindi sila nangangahas na sila mismo ang magbanggit nito. Tama ba ang pag-uugaling ito? (Hindi.) Bakit mali ito? (Walang kinalaman ang iba sa kumukuha sa alay na pera; kinakatawan ng lahat ang kanilang sarili.) Tama iyan. Sariling problema na iyon ng taong kumukuha sa alay na pera. Kung natuklasan mo ito at pinigilan mo siya, at sa gayon ay naisasalba ang kawalan sa sambahayan ng Diyos at napapangalagaan ang mga interes nito, natupad mo na ang iyong responsabilidad. Kung wala kang pagkakataong pigilan ito at hindi mo maisalba ang kawalan, kung gayon, dapat sana ay nakilala mo kung anong uri siya ng sawing-palad, napaalalahanan ang iyong sarili, nanalangin sa Diyos na protektahan ka mula sa gayong insidente at siguraduhin mong hindi ka mahulog sa parehong tukso. Dapat mong tugunan nang tama ang isyung ito. Bagamat mula siya sa iyong rehiyon, ang kanyang mga kilos ay kumakatawan lamang sa kanya bilang isang indibidwal. Hindi sa dahil tinuruan o hinikayat siya ng mga tao sa rehiyong iyon na kumilos sa ganitong paraan. Wala itong koneksyon sa iba pa. Maaaring ang pinakapananagutan na ng iba ay ang hindi sapat na superbisyon o direksiyon, ngunit walang sinuman ang obligadong pumasan sa mga kahihinatnan ng kanyang maling gawa. Kumilos siya laban sa Diyos at nilabag niya ang mga atas administratibo, walang sinuman ang obligadong pasanin ang mga kahihinatnan para sa kanya. Sarili na niyang problema ang kanyang masamang reputasyon. Bukod dito, ang usaping ito ay hindi tungkol sa pagkapahiya o pagkakaroon ng kaluwalhatian; nauukol ito sa kalikasan ng isang tao at sa landas na kanyang tinahak. Masasabi lamang na, sa simula, nabigo ang mga tao na makilatis ang kanyang tunay na katangian, ngunit pagkatapos ng insidenteng ito ay nabunyag na ang totoo niyang kulay. Wala itong kinalaman sa reputasyon o dignidad ng ibang kapatid sa rehiyong iyon. Kung pakiramdam mo ay binigyan ka niya ng kahihiyan dahil sa pareho kayo ng pinagmulang rehiyon, kung gayon, ganap na mali ang gayong pananaw at pang-unawa. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kailanman nagpaparusa sa isang buong pamilya para sa mga kasalanan ng isang tao; tinitingnan ng Diyos ang bawat indibidwal bilang isang nakahiwalay na nilalang. Saan ka man nanggaling, kahit na mula ka sa parehong pamilya o mga magulang, nakikita ng Diyos ang bawat tao bilang isang natatanging nilalang. Hindi kailanman idinadawit ng Diyos ang sinumang nauugnay na tao dahil sa mga pagkakamali ng isa pang tao. Ito ang prinsipyo, at naaayon ito sa katotohanan. Gayunpaman, kung iniisip mo na ang isang tao mula sa iyong rehiyon na gumagawa ng mali ay nakapipinsala sa iyong reputasyon at nadadamay ka rin nito, ito ay dahil sa iyong maling pang-unawa, at wala itong kinalaman sa katotohanan. Kaya, kapag sinasabi sa iyo ng mga magulang, “Magdala ng kaluwalhatian para sa ating bansa, pamilya, o apelyido,” tama ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Aling parirala ang may kaparehong kalikasan dito? Hindi ba’t kapareho ito ng kalikasan ng kaisipang tinalakay natin kanina, ang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad”? Sa buhay ng isang tao, ang paggawa ng mga positibong gawa, pagtahak sa tamang landas, pagyakap sa mga positibong bagay at sa katotohanan—hindi ginagawa ang mga ito para bigyang-papuri ang kanilang sarili. Sa halip, dapat umasal ang mga tao nang ganito: Ito ang kanilang responsabilidad, ang landas na dapat nilang tahakin, at ang kanilang tungkulin. Ang pagtahak sa tamang landas, pagyakap sa mga positibong bagay at sa katotohanan, at pagpapasakop sa Diyos ay obligasyon at tungkulin ng mga tao. Ang mga ito ay para din sa pagkamit ng kaligtasan, hindi para umani ng respeto para sa sarili o sa Diyos, siyempre, hindi para umani ng respeto para sa mga tao sa iyong bansa, at lalong hindi para sa isang partikular na apelyido, lahi, o angkan. Hindi ka inililigtas para makapagdala ng kaluwalhatian sa mga tao sa iyong bansa, at lalong hindi para makapagdala ng kaluwalhatian sa iyong pamilya. Ang ideya ng “pagdadala ng kaluwalhatian” ay isang teorya lamang. Walang kinalaman ang iyong kaligtasan sa mga taong iyon. Anong pakinabang ang makukuha nila mula sa kaligtasan mo? Kung makatatanggap ka ng kaligtasan, ano ang mapapala nila rito? Hindi nila sinusunod ang tamang landas, at kaya, tatratuhin sila ng Diyos nang naaayon, nang may matuwid Niyang disposisyon. Tatratuhin Niya sila ayon sa nararapat na pagtrato sa kanila. Ano ang naidudulot sa kanila nitong diumano’y “pagdadala ng kaluwalhatian”? Wala itong kinalaman sa kanila. Tinatanggap mo ang mga kahihinatnan sa landas na tinatahak mo, at tinatanggap nila ang mga kahihinatnan ng sarili nilang landas. Tinatrato ng Diyos ang bawat indibidwal ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Ang pagdadala ng kaluwalhatian para sa bayan, pamilya, o apelyido ng isang tao ay hindi responsabilidad ng sinuman. Natural na hindi mo dapat pasanin ang responsabilidad na ito nang mag-isa, at sa katunayan, hindi mo ito kaya. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang pamilya o angkan, ang direksiyon nito, at ang kapalaran nito ay walang kinalaman sa kung magdadala ka ba sa kanila ng kaluwalhatian. At siyempre, wala itong kinalaman sa landas na iyong tinatahak. Kung umaasal ka nang maayos at nagagawa mong magpasakop sa Diyos, hindi ito para magdala ng kaluwalhatian sa kanila o para bigyan sila ng papuri, hindi rin ito para magkamit ng anumang gantimpala mula sa Diyos para sa kanila o para makasiguro na malilibre sila sa kaparusahan. Ang kanilang pag-unlad, pagbagsak, at kapalaran ay walang kinalaman sa iyo. Lalo na ang tungkol sa kung nakararamdam ba sila ng karangalan o hindi, at kung nagdadala ka ba ng kaluwalhatian para sa kanila o hindi—walang kaugnayan ang mga ito sa iyo. Hindi mo maaaring pasanin ang mga ito sa iyong mga balikat, at wala kang responsabilidad o obligasyon na gawin ito. Samakatuwid, kapag sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang, “Dapat kang magdala ng kaluwalhatian para sa ating bayan, pamilya, o apelyido, at hindi mo dapat sirain ang reputasyon ng ating mga ninuno o hayaan ang iba na punahin tayo kapag nakatalikod tayo,” ang mga salitang ito ay nagbibigay lamang sa iyo ng negatibong sikolohikal na panggigipit. Hindi mo kayang tuparin ang mga ito, at wala ka ring obligasyon na gawin ang mga ito. Bakit? Dahil hinihingi lamang ng Diyos sa iyo na gampanan mo ang iyong tungkulin bilang nilikha sa harapan Niya. Hindi Niya hinihingi sa iyo na gumawa ng anumang bagay o pumasan ng anumang obligasyon para sa iyong bansa, pamilya, o apelyido. Kaya, ang pagdadala ng kaluwalhatian para sa iyong bansa o pamilya, o pagdadala ng kaluwalhatian at karangalan o paggawa ng anumang bagay para sa iyong apelyido ay hindi mo obligasyon. Wala itong kinalaman sa iyo. Ang kapalaran nila ay nasa mga kamay lamang ng Diyos, at hindi mo na kailangang balikatin ang anumang pasanin. Kung magkamali ka, hindi ka dapat makonsensiya sa kanila. Kung gumawa ka ng anumang mabuting gawa, hindi mo dapat isipin na maswerte ka o na nakapagdala ka ng kaluwalhatian para sa iyong bansa, pamilya, o apelyido. Huwag kang magalak sa mga bagay na ito. At kung mabigo ka, huwag kang matakot o mamighati. Huwag sisihin ang iyong sarili. Dahil wala talaga itong kinalaman sa iyo. Huwag mo nang isipin ito—ganoon lang kasimple. Kaya, tungkol sa mga taong may iba’t ibang nasyonalidad, ang mga Tsino ang hinirang ng Diyos; lumapit sila sa harap ng Diyos at sila ay mga nilikha. Ang mga taga-Kanluran ay humaharap sa Diyos, at sila ay mga nilikha rin. Ang mga taga-Asya, Europa, Hilaga at Timog Amerika, ang mga nasa Oceania, at mga Aprikano, ay lumalapit sa harap ng Diyos at tinatanggap nila ang Kanyang gawain, at sila ay Kanyang mga nilikha rin. Kahit saan mang bansa nagmula ang isang tao, ang tanging dapat niyang gawin ay tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, tanggapin ang mga salita ng Diyos, magpasakop sa mga salita ng Diyos, at kamtin ang kaligtasan. Hindi siya dapat bumuo ng iba’t ibang grupo ng angkan batay sa sarili niyang nasyonalidad, ibinubukod-bukod ang kanilang sarili batay sa mga grupo o lahi. Ang lahat na tumuturing sa kaluwalhatian ng lahi bilang ang layon ng pagpupunyagi nito o bilang pangunahing prinsipyo nito ay mali. Hindi ito ang landas na dapat tahakin ng mga tao, at isa itong penomena na hindi dapat lumilitaw sa loob ng iglesia. Darating ang araw, sapagkat mas lumalawak ang pakikipag-ugnayan ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa at mas malawak na rin ang naaabot na mga lugar sa mundo, na ang isang Asyano ay maaaring makatagpo ng isang European, ang isang European ay maaaring makatagpo ng isang Amerikano, at isang Amerikano ay maaaring makipag-ugnayan sa isang Asyano o Aprikano, atbp. Kapag nagtitipon-tipon ang iba’t ibang lahi, kung may mga grupong nabubuo batay sa lahi, na pawang nagsusumikap para sa sariling kaluwalhatian ng kanilang lahi at gumagawa ng mga bagay-bagay para sa kanilang lahi, ano ang sisimulang harapin ng iglesia? Haharapin nito ang pagkakabukod-bukod. Ito ay isang bagay na kinasusuklaman at kinokondena ng Diyos. Ang sinumang gumagawa nito ay isinusumpa, sinumang kumikilos nang ganito ay isang tagapaglingkod ni Satanas, at sinumang kumikilos sa gayong paraan ay parurusahan. Bakit sila parurusahan? Dahil ito ay isang paglabag sa mga atas administratibo. Huwag na huwag gawin ito. Kung kaya mong kumilos nang ganito, ito ay nagpapatunay na hindi mo binitiwan ang aspektong ito ng pagkokondisyon ng iyong mga magulang. Hindi mo pa tinanggap ang pagkakakilanlang ibinigay sa iyo ng Diyos bilang isang nilikha, at itinuturing mo pa rin ang iyong sarili bilang Tsino, o bilang isang puti, itim, o kayumangging tao—bilang isang taong mula sa ibang lahi, apelyido, o nasyonalidad. Kung nais mong magdala ng kaluwalhatian sa iyong bayan, lahi, o pamilya, at kumikilos ka nang may ganitong kaisipan, magiging kakila-kilabot ang mga kahihinatnan. Ngayon, taimtim nating ipinapahayag at nililinaw ang bagay na ito rito. Kung isang araw ay may sinumang sumalungat sa aspektong ito ng mga atas administratibo, mahaharap siya sa mga kahihinatnan. Sa oras na iyon, huwag magreklamo, at sabihing, “Hindi Mo sinabi sa akin, hindi ko alam, hindi ko naunawaan.” Matagal mo nang alam ang iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha, pero nagagawa mo pa ring kumilos sa ganitong paraan: Nangangahulugan ito na hindi ka ignorante, kundi sinadya mo ito, kusang gumagawa ng paglabag. Dapat kang maharap sa pagpaparusa. Ang mga kahihinatnan ng paglabag sa mga atas administratibo ay napakalubha. Naiintindihan ba ninyo? (Oo, naiintindihan namin.)
Sinasabi ng ilang magulang sa kanilang mga anak, “Saan man tayo magpunta, hindi natin dapat kalimutan ang ating pinagmulan. Hindi natin maaaring kalimutan kung saan tayo ipinanganak at pinalaki, o kung sino tayo. Saan ka man magpunta, kapag nakatatagpo mo ang iyong mga kababayan, dapat mo silang alagaan. Kapag pumipili ng mga lider ng iglesia o ng mga superbisor, unahin ang mga tao mula sa iyong bayan. Kapag may anumang materyal na benepisyo ang iglesia, hayaan ang mga kababayan mo na siyang unang magtamasa sa mga ito. Kung mamimili ka ng mga miyembro para sa isang grupo, mamili ka muna sa mga kababayan mo. Kapag nagtutulungan ang mga magkababayan, pareho kayo ng wikang ginagamit at pamilyar kayo sa isa’t isa.” Ano ang tawag dito? “Kapag nagkikita-kita ang mga magkababayan, naluluha sila.” Nariyan din ang kasabihang, “Magkakamag-anak ang mga tiyuhin at tiyahin, sa magkakasunod na henerasyon: Bagamat maaaring bali na ang mga buto, magkakadugtong pa rin ang mga litid.” Ang ilang tao, dahil sa tagubilin ng kanilang mga magulang at nakatatanda, sa sandaling marinig nila na may manggagaling sa probinsiya o bayan nila, o kung naririnig nila ang taong iyon na nagsasalita nang may accent ng kanilang bayan, sobra nila itong kinagigiliwan. Sama-sama silang kumakain, magkakatabi sa mga pagtitipon, at ginagawa ang lahat ng bagay nang magkakasama. Talagang malapit sila sa isa’t isa. Ang ilang tao, kapag nakatagpo ang isang kababayan, ay maaaring magsabi, “Alam mo naman ang sabi nila, ‘Kapag nagkikita-kita ang mga magkababayan, naluluha sila.’ Kapag nakatatagpo ko ang isang kababayan, malapit ang loob ko sa kanya: Nang makilala kita, pakiramdam ko ay kapamilya kita.” Tinatrato nila nang espesyal ang kanilang mga kababayan. Kung nahihirapan ang kanilang mga kababayan sa buhay o trabaho, o kung may sakit ang mga ito, sila ang nag-aalaga. Mabuti ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito mabuti? (Ang pagtrato sa mga tao nang ganito ay walang prinsipyo.) Wala itong prinsipyo, at ang taong ito ay magulo ang isip. Nagpapakita siya ng pagkagiliw sa sinumang kababayan niya, ngunit ano ba ang mga kababayan? Mabubuting tao ba sila? Tunay ba silang mga kapatid? Ang pagtaas mo ba ng ranggo nila ay alinsunod sa mga prinsipyo? Naaayon ba sa mga prinsipyo ang pagrekomenda mo sa kanila? Angkop ba sila sa trabaho? Makatarungan ba ang pagmamalasakit mo sa kanila at ang iyong pagiging malapit sa kanila? Naaayon ba ito sa katotohanan at sa mga prinsipyo? Kung hindi, ang ginagawa mo para sa kanila kung gayon ay hindi nararapat, at ito ay kasuklam-suklam para sa Diyos. Naiintindihan mo ba? (Naiintindihan ko.) Kaya, kapag sinabi sa iyo ng iyong mga magulang na, “Alagaan mo ang mga kababayan kapag nakatatagpo mo sila,” maling paniniwala ito, at huwag mo na itong masyadong isipin at pansinin. Sa hinaharap, kung tatanungin ka ng mga magulang mo ng, “Pareho kayo ng iglesia ng kababayan nating iyon. Inalagaan mo ba siya?” paano ka dapat tumugon? (Sa sambahayan ng Diyos, tinatrato namin nang pantay-pantay ang lahat.) Dapat mong sabihin, “Hindi ako obligadong gawin iyon. Kahit nga hindi kababayan, kahit ikaw, hindi kita aalagaan kung lalabagin mo ang Diyos.” May ilang tao na lubhang naiimpluwensiyahan ng mga ganitong uri ng tradisyonal na kuru-kuro ng pamilya. Sa sandaling makatagpo sila ng sinumang tila kamag-anak nila, o kapareho nila ng apelyido, o kaparehas nila ng pinanggalingang angkan, nahihirapan silang iwasan ang mga ito. Sa sandaling marinig nila na may isang taong kapareho nila ng apelyido, sasabihin nila, “Naku, magkakapamilya kaming lahat dito. Base sa posisyon ko ngayon sa pamilya, dapat ko siyang tawaging tiyahin sa tuhod. Isa ako sa mga apo kung ikukumpara sa kanya.” Kusang-loob nilang tinutukoy ang kanilang sarili bilang apo nito, at kapag nakikita nila ang taong ito, hindi sila naglalakas-loob na tawagin itong sister o anuman; lagi nila itong tinatawag na “tiyahin sa tuhod.” Kapag nakatatagpo ang ilang tao ng isang taong kapareho nila ng apelyido, pakiramdam nila ay talagang malapit ang loob nila rito, hindi alintana kung anong uri ng tao ito. Tama ba ito? (Hindi.) Partikular na may tradisyon ang ilang pamilya na alagaan nang espesyal ang mga taong kaparehas nila ng pinanggalingang angkan, at madalas silang magalang sa mga ito at malapit na nakikipag-ugnayan sa mga taong ito. Kaya naman, tila laging abala ang tahanan nila sa mga tao at aktibidad, at mukhang talagang masigla at masagana ang pamilya. Kapag may nangyayari, lahat ng malalayong kamag-anak ay pumupunta para tumulong, at magbigay ng payo at mga mungkahi. Dahil naiimpluwensiyahan nitong kultura ng pamilya, pakiramdam ng ilan ay mabuting bagay na umasal nang ganito; kahit papaano, hindi sila nag-iisa o nalulungkot, at may mga taong tutulong kapag nagkakaproblema sila. Anong mga kuru-kuro mayroon ang ibang tao? “Upang mamuhay kasama ng mga tao, dapat maging mahusay makisama ang isang tao.” Bagamat mahirap ipaliwanag ang kasabihang ito, mauunawaan ng lahat ang ibig nitong sabihin. “Ang isang tao ay dapat mamuhay nang may damdamin ng tao. Matatawag pa bang tao ang isang tao kung wala siyang sentimyento ng tao? Kung palagi kang seryoso at taimtim, kung palagi kang nag-aalala sa mga prinsipyo at paninindigan, sa huli, maiiwan kang walang mga kamag-anak o kaibigan. Kailangan mong magkaroon ng damdamin ng tao habang naninirahan kasama ang mga pangkat sa lipunan. Ang mga taong walang kinalaman sa ating apelyido ay iba pang kaso, ngunit sa mga may parehong apelyido o angkan, hindi ba’t malapit ang lahat? Hindi mo maaaring iwan ang sinuman sa kanila. Kapag nahaharap ka sa mga isyu tulad ng karamdaman, kasal, libing, o iba pang malalaki at maliliit na kaganapan, hindi ba’t kakailanganin mo ng makakausap tungkol dito? Kapag bumili ka ng bahay, kotse, o lupa, kahit sino ay maaaring tumulong. Hindi mo maaaring iwan ang mga taong ito; kailangan mong umasa sa kanila sa buhay.” Dahil lubha kang naimpluwensiyahan nitong kultura ng pamilya, kapag nasa labas ka, at lalo na sa iglesia, at nakakita ka ng isang taong kapareho mo ng angkang pinanggalingan, hindi namamalayang nagkakaroon ka ng pagkiling sa kanya, nagkakaroon ng partikular na pagkagiliw sa kanya, madalas na espesyal ang pag-aalaga at pagtrato mo sa kanya, at espesyal ang samahan ninyo. Kahit magkamali siya, madalas ay maluwag ka sa kanya. Sa iyong mga hindi kadugo, tinatrato mo sila nang walang pagkiling. Ngunit pagdating sa iyong mga kaangkan, may tendensiya kang protektahan at paboran ang mga ito, na sa madaling salita ay tinatawag na “pagkiling sa mga kamag-anak.” Ang ilang tao ay madalas na naaakay ng mga kaisipang ito, hindi tinatrato ang mga tao o pinangangasiwaan ang mga usapin sa buhay batay sa mga prinsipyong itinuturo ng Diyos, kundi batay sa impluwensiya ng kultura ng pamilya. Hindi ba’t mali ito? (Oo.) Halimbawa, maaaring tawagin ng isang taong may apelyidong Zhang ang isa pang tao na may parehong apelyido na mas matanda nang kaunti bilang “ate.” Maaaring isipin ng iba na sila ay tunay na magkapatid, pero ang totoo, sila ay hindi magkamag-anak pero pareho ang kanilang apelyido, at hindi talaga sila magkadugo. Bakit ganito ang tawag niya rito? Ito ang impluwensiya ng kultura ng pamilya. Saan man sila magpunta, hindi sila mapaghihiwalay, sinasabi niya ang lahat sa kanyang “ate” at hindi sa mga tagalabas. Bakit? “Dahil siya ay isang Zhang, tulad ko. Magkapamilya kami. Kailangan kong sabihin sa kanya ang lahat. Kung hindi sa kanya, sino pa ba? Kung hindi ko pagkakatiwalaan ang aking pamilya, sa halip ay magtitiwala ako sa mga estranghero, hindi ba’t kalokohan iyon? Gaano mo man ito harapin, ang mga tagalabas ay hindi maaasahan; pamilya lang ang mapagkakatiwalaan.” Sa pagpili ng mga lider ng iglesia, pinipili niya ang ka-apelyido niya, at kapag nagtanong ang mga tao, “Bakit mo siya pinili?” sinasabi niya, “Kasi pareho ang apelyido namin. Hindi ba’t ganap na labag sa katwiran at kawastuhan kung hindi ko siya pipiliin? Kung hindi ko siya pipiliin, tao pa ba ako?” Sa tuwing mayroong mga materyal na benepisyo o magagandang bagay na maibibigay ang iglesia, ito ang una niyang naiisip. “Bakit siya ang una mong naisip?” “Kasi pareho kami ng apelyido, parte siya ng pamilya ko. Kung hindi ko siya aalagaan, sino ang mag-aalaga sa kanya? Magiging tao pa ba ako kung wala ako ng ganitong batayang sentimyento ng tao?” Hindi mahalaga kung ang mga bagay na ito ay nagmumula sa pagmamahal o sa mga makasariling motibo, sa madaling salita, kung naiimpluwensiyahan at nakokondisyon ka ng mga kaisipang ito mula sa iyong pamilya, dapat agad kang tumalikod at huminto sa pag-asal, pagharap sa mga bagay, at pagtrato sa mga tao gamit ang mga pamamaraang ito. Gaano man kaliit o kalawak ang mga pamamaraang ito, ang mga ito ay hindi ang mga prinsipyo at pamamaraang itinuro ng Diyos sa iyo. Sa pinakamababa, ang mga ito ay mga kaisipan at pananaw na dapat mong bitiwan. Sa madaling salita, ang anumang pagkokondisyon ng pamilya na hindi naaayon sa mga prinsipyong itinuturo ng Diyos sa iyo ay dapat na bitiwan. Hindi mo dapat tratuhin ang iba o hindi ka dapat makisalamuha sa kanila gamit ang mga pamamaraang ito, at hindi mo dapat pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan. Maaaring nakikipagtalo ang ilan, “Kung hindi ko pangangasiwaan nang ganito ang mga bagay-bagay, hindi ko alam kung paano pa haharapin ang mga ito.” Madaling pamahalaan iyon. Ang mga salita ng Diyos ay nagbibigay ng mga prinsipyo sa pangangasiwa sa iba’t ibang bagay. Kung hindi ka makakahanap ng isang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, maghanap ka ng isang brother o sister na nakauunawa sa katotohanang ito at tanungin mo siya. Lilinawin niya ang mga bagay-bagay para maintindihan mo. Ito ang mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao pagdating sa pagtrato sa mga isyung nauugnay sa angkan, apelyido, at mga paraan ng mundo.
Madalas na pinupuna ng ilang magulang ang kanilang mga anak na babae, sinasabing, “Bilang isang babae, dapat sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama. Kung magpapakasal ka sa isang pamilya ng tandang, dapat kang kumilos gaya ng isang tandang; kung magpapakasal ka sa isang pamilya ng aso, dapat kang kumilos gaya ng isang aso.” Ang ipinapahiwatig dito ay na hindi mo dapat sikaping maging isang mabuting tao kundi tanggapin na maging katulad ka ng isang tandang o aso. Ito ba ay isang mabuting landas? Malinaw naman na sa sandaling marinig ito ay matutukoy ng sinuman na hindi ito isang mabuting landas, hindi ba? Ang pariralang “sundin mo ang lalaking pakakasalan mo” ay tiyak na para sa mga kababaihan—ang kapalaran nila ay ganoon kalunos-lunos. Sa ilalim ng impluwensiya at pagkokondisyon ng pamilya, hinahayaan ng mga babae na malugmok sila sa kabuktutan: Talagang sinusunod nila ang isang tandang kung nagpakasal sila sa isang tandang o isang aso kung nagpakasal sila sa isang aso, nang hindi nagsusumikap na tahakin ang isang mabuting landas, ginagawa ang anumang iniuutos sa kanila ng kanilang mga magulang. Bagamat ikinikintal ng iyong mga magulang ang kaisipang ito, dapat mong kilatisin kung tama ba o mali ang gayong kaisipan, kung kapaki-pakinabang o nakakapinsala ba ito sa iyong pag-asal. Siyempre, nagbahaginan na tayo sa aspektong ito sa loob ng paksa ng pagbitiw sa pag-aasawa, kaya hindi na natin ito hihimay-himayin at susuriin nang detalyado rito. Sa madaling salita, ang lahat ng mali, baluktot, mababaw, hangal, at maging ang masama at imoral na kaisipan at pananaw mula sa mga magulang ang dapat mong bitiwan. Lalo na ang mga kasabihang tulad ng “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama,” na kakatalakay lang natin, at “Magpakasal sa isang lalaki para mabihisan at makakain”—dapat mong kilatisin ang mga pahayag na ito, at huwag hayaan ang sarili na mailigaw ng gayong mga kaisipang ikinintal ng iyong mga magulang, na naniniwalang “Ibinenta ako sa lalaking pinakasalan ko: Siya ang aking amo, dapat akong maging isang taong gusto niya at dapat kong gawin ang lahat ng kanyang sasabihin, at nakatali sa kanya ang kapalaran ko. Sa sandaling maikasal kami, nakatali na kami sa isa’t isa sa hirap at ginhawa. Kung uunlad siya, gayon din ako; kung hindi siya uunlad, hindi rin ako uunlad. Kaya, ang kasabihan ng aking mga magulang na, ‘Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama’ ay palaging magiging tama. Ang kababaihan ay hindi dapat nakapagsasarili o nagkakaroon ng anumang paghahangad, at lalong hindi sila dapat nagkakaroon ng anumang ideya o pagnanais tungkol sa pagtatakda ng tamang pananaw sa buhay at pagtahak sa tamang landas sa buhay. Dapat lamang silang masunuring sumunod sa mga salita ng kanilang mga magulang, ‘Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama.’” Ito ba ang tamang kaisipan na dapat taglayin? (Hindi.) Bakit mali ito? “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama”—may isa pang parirala na may katulad na kahulugan, iyon ay, “Sila ay magkakasama-sama sa hirap at ginhawa,” na ang ibig sabihin ay sa sandaling pakasalan mo siya, nakatali na ang kapalaran mo sa kapalaran niya. Kung siya ay uunlad, gayon ka rin; kung hindi siya uunlad, hindi ka rin uunlad. Ganoon ba ang kaso? (Hindi.) Talakayin muna natin ang kasabihang “Kung siya ay uunlad, gayon ka rin.” Ito ba ay isang katunayan? (Hindi.) May sinuman ba na makapagbibigay ng isang halimbawa para pabulaanan ang usaping ito? Wala ba kayong maisip? Hayaan Akong magbigay ng isang halimbawa. Halimbawa, kapag nagpakasal ang isang partikular na babae sa isang lalaki, nagiging determinado siyang sumunod dito. Katulad ito ng madalas na sabihin ng mga babae, “Mula sa araw na ito, ako ay sa iyo,” na nagpapahiwatig na “Ibinenta ako sa iyo, at nakatali sa tadhana mo ang tadhana ko.” Huwag nating pag-usapan ang babaeng hinayaan ang sariling malugmok sa kabuktutan, tumuon muna tayo sa ngayon kung tama ba o hindi ang pariralang “Kung siya ay uunlad, gayon ka rin.” Totoo ba na kung siya ay uunlad, awtomatiko ka ring uunlad? Ipagpalagay natin na nagsisimula siya ng isang negosyo at nahaharap sa mahirap na sitwasyon, sa maraming hamon, nakararanas ng mga paghihirap kahit saan, walang pondo, walang mga koneksiyon, walang angkop na puwesto para makapagbukas ng tindahan, walang merkado kung saan makapagnenegosyo, at walang mga taong makakatulong. Ikaw, bilang kanyang asawa, ay determinadong sundin siya; anuman ang ginagawa niya, hindi mo siya kailanman kinasusuklaman, bagkus ay sinusuportahan mo siya nang walang pag-aalinlangan. Sa paglipas ng panahon, lumalago ang kanyang negosyo, sunod-sunod na nadaragdagan ang mga tindahan, na nagbubunga ng mas magagandang benepisyong pang-ekonomiya at ng mas malaking kita. Nagiging isang boss ang asawa mo, at mula sa isang boss ay nagiging isa siyang mayamang tycoon. Siya ay umuunlad, hindi ba? Gaya ng kasabihan, “Ang isang taong yumayaman ay nagiging masama,” na talagang isang katunayan sa lipunang ito at sa masamang mundong ito. Sa sandaling nagiging isang boss ang asawa mo at kalaunan ay nagiging isang tycoon, gaano kadali na siya ay maging tiwali? Nangyayari ito sa loob lang ng ilang sandali. Pagkatapos niyang maging boss at magsimulang umunlad, matatapos na ang maliligayang araw mo. Bakit? Magsisimula kang mag-alala, “Mayroon ba siyang ibang babae? Lolokohin ba niya ako? May nang-aakit kaya sa kanya? Magsasawa ba siya sa akin? Kukupas ba ang pagmamahal niya?” Tapos na ba ang maliligayang araw mo? Pagkatapos ng lahat ng taon ng pagdamay sa kanya sa paghihirap, miserable at pagod na ang pakiramdam mo. Naging mahirap ang iyong pamumuhay, bumagsak ang iyong kalusugan, at nawala ang iyong magandang hitsura. Naging isa ka nang maputla at matandang babae. Sa mga mata niya, maaaring hindi mo na taglay ang kariktan ng binibining minsan niyang minahal. Baka isipin niya na, “Ngayong mayaman na ako at maimpluwensiya, makakahanap na ako ng mas maganda.” Habang lumalayo ang loob niya, lalo siyang napapaisip, nagsisimula siyang magbago. Hindi ba’t nanganganib ka kung gayon? Siya ay nagiging isang big boss, habang ikaw ay isang maputla at matandang babae—hindi ba’t mayroon kayong pagkakaiba at hindi pagkakapantay-pantay? Sa mga panahong ito, hindi ba’t hindi ka na karapat-dapat sa kanya? Hindi ba’t nararamdaman niyang mas nakahihigit siya sa iyo? Hindi ba’t mas lalo ka na niyang kinasusuklaman? Kung gayon, nagsisimula pa lang ang mahihirap mong araw. Sa kalaunan, maaaring gagawin niya ang kanyang mga ninanais at maghahanap siya ng ibang babae, at gugugol ng mas kaunting oras sa bahay. Kapag umuuwi siya, kadalasan ay para makipagtalo lang sa iyo, at ibinabagsak niya ang pinto at agad na umaalis, kung minsan ay lumilipas ang mga araw nang hindi man lang siya kumokontak. Ang tanging maaasahan mo, kung isasaalang-alang ang iyong dating relasyon, ay maaaring bigyan ka niya ng pera at tustusan ang mga pang-araw-araw mong pangangailangan. Kung talagang makikipag-away ka, baka ipagkait pa niya ang panggastos mo. Kaya, paano na iyon? Dahil lang sa nagsimula siyang umunlad, bumuti ba ang kapalaran mo? Mas masaya ka ba o mas malungkot? (Mas malungkot.) Mas malungkot ka. Dumating na ang mga araw ng iyong kasawian. Kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon, kadalasan ay umiiyak nang husto ang mga babae, at dahil sa sinabi sa kanila ng kanilang mga magulang na: “Huwag mong isapubliko ang iyong mga personal na usapin,” titiisin nila ito, iisiping, “Titiisin ko ito hanggang sa lumaki ang anak ko at masusuportahan na niya ako. Pagkatapos ay iiwan ko na ang asawa ko!” Ang ilang kababaihan ay mapalad na makita ang araw na nagiging kanilang sandigan ng lakas ang kanilang anak, samantalang ang iba ay hindi na umaabot doon. Noong maliit pa ang anak nila, nagpasya ang asawang lalaki na kupkupin ang bata at sinabi sa kanyang asawa, “Umalis ka na, maputlang matandang babae!” at maaari siyang mapagkamalang isang pulubi at mapalayas sa sarili niyang tahanan. Kaya, kapag siya ay umuunlad, nakatitiyak bang umuunlad ka rin? Talaga bang nakatali ang inyong mga kapalaran? (Hindi.) Kung ang kanyang negosyo ay patuloy na naghihirap o hindi umaayon sa kanyang mga ninanais, kung gayon habang kinakailangan niya ang iyong suporta, paghihikayat, pagdamay, at pag-aaruga, at habang wala siyang katangian at pagkakataong maging tiwali, maaaring pahahalagahan ka pa rin niya. Habang hindi pa siya umuunlad, maaaring mas ligtas ang pakiramdam mo at mayroon kang makakasama, at mararanasan mo ang pagmamahal at kaligayahan ng pag-aasawa. Dahil kapag hindi siya umuunlad, walang sinuman sa labas ang pumapansin o nagpapahalaga sa kanya, at tanging ikaw ang taong maaasahan niya, pinahahalagahan ka niya. Sa gayong sitwasyon, makakaramdam ka ng seguridad at ng relatibong ginhawa at kasiyahan. Ngunit kung uunlad siya at ibubukas ang kanyang mga pakpak, lilipad siya, subalit isasama ka ba niya? Tama ba ang kasabihan ng mga magulang na, “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama”? (Hindi ito tama.) Malinaw na itinutulak nito ang kababaihan sa matinding pagdurusa. Paano naman ang prinsipyong, “Susundin ko siya kung tatahakin niya ang tamang landas, at kung hindi, iiwan ko siya”? Mali rin ang prinsipyong ito. Ang pagpapakasal sa kanya ay hindi nangangahulugan na ibinenta mo na ang iyong sarili sa kanya, at hindi mo rin siya dapat tratuhin bilang isang tagalabas. Sapat na para sa iyo na gampanan ang iyong mga responsabilidad sa inyong buhay mag-asawa. Kung nagiging matagumpay ang mga bagay-bagay, mabuti; kung hindi, humiwalay ka na. Natupad mo na ang iyong obligasyon nang may malinis na konsensiya. Kung kailangan ka niya para gampanan ang iyong mga responsabilidad sa pagsama sa kanya, gawin ito; kung hindi, humiwalay ka na. Iyan ang prinsipyo. Ang pariralang “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama” ay isang kalokohan—nakapipinsala ito. Bakit kalokohan ito? Wala itong mga prinsipyo: Anumang uri ng tao ang isang lalaki, sinusunod mo siya nang walang pag-aatubili. Kung susundin mo ang isang mabuting lalaki, maaaring magkaroon ng saysay ang buhay. Pero kung susundin mo ang isang masamang lalaki, hindi ba’t ipinapahamak mo lang ang iyong sarili? Kaya, kahit anumang uri siya ng tao, dapat mayroon kang tumpak na paninindigan sa pag-aasawa. Kailangan mong maunawaan na ang katotohanan lamang ang nagbibigay ng tunay na proteksiyon at ng landas at mga prinsipyo para sa isang marangal na buhay. Ang ibinibigay ng mga magulang ay mga munting karanasan o mga diskarte lamang batay sa kanilang pagmamahal o mga pansariling interes. Ang gayong mga payo ay hindi talaga makapagpoprotekta sa iyo, at hindi rin ito makapagbibigay sa iyo ng mga tamang prinsipyo sa pagsasagawa. Gamiting halimbawa ang kasabihang, “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama.” Dahil dito, maaaring maging mangmang ka tungkol sa pag-aasawa, na nagiging dahilan para mawalan ka ng dignidad at pagkakataong piliin ang tamang landas sa buhay. Higit pa, maaari ka ring mawalan ng pagkakataong maligtas dahil dito. Kaya, anuman ang intensiyon sa likod ng mga salita ng mga magulang, kung ito man ay bunga ng pagmamalasakit, proteksiyon, pagmamahal, pansariling interes, o anumang iba pang motibo, dapat mong makilatis ang iba’t iba nilang kasabihan. Kahit na ang kanilang inisyal na intensiyon ay para sa iyong kapakanan at proteksiyon, hindi mo dapat tanggapin ang mga ito nang walang ingat at nang parang isang hangal. Sa halip, dapat mong kilatisin ang mga ito at pagkatapos ay maghanap ka ng mga tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa batay sa mga salita ng Diyos, hindi nagsasagawa o umaasal ayon sa kanilang mga salita. Lalo na ang “Magpakasal sa isang lalaki para mabihisan at makakain,” na madalas sabihin ng mga nakaraang henerasyon—mas lalong mali iyon. Wala bang mga kamay o paa ang mga babae? Hindi ba nila kayang kumita ng sarili nilang ikabubuhay? Bakit kailangan nilang umasa sa mga lalaki para mabihisan at makakain? Mahina ba ang isip ng mga babae? Kung ikukumpara sa mga lalaki, ano ang wala sa mga babae? (Wala naman.) Tama, walang kulang sa kanila. Ang kababaihan ay may kakayahang umiral nang nakapag-iisa, na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Dahil ang kababaihan ay may kakayahang mamuhay nang nakapag-iisa, bakit sila aasa sa sustento ng mga lalaki? Hindi ba’t maling kaisipan ito? (Oo.) Ito ay pagkikintal ng isang maling kaisipan. Ang mga kababaihan ay hindi dapat balewalain ang kanilang halaga o hamakin ang kanilang sarili dahil lang sa kasabihang ito, na umaasa sa mga lalaki sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Siyempre, obligasyon ng lalaki na tustusan ang lahat ng gastusin sa pamumuhay para sa kanyang asawa at pamilya, sinisigurong mayroong sapat na makakain at maisusuot ang kanyang asawa. Gayunpaman, ang mga babae ay hindi dapat mag-asawa para lamang makakain at mabihisan o hindi dapat magkimkim ng gayong mga kaisipan at pananaw. Dahil may kakayahan kang mamuhay nang nakapag-iisa, bakit ka aasa sa isang lalaki para sa mga pangunahing pangangailangan? Hindi ba’t, sa isang antas, ito ay dahil sa impluwensiya ng kanilang mga magulang at sa pagkokondisyon ng mga kaisipan ng pamilya? Kung nakatatanggap ang isang babae ng ganitong pagkokondisyon sa pagtuturo ng pamilya, kung gayon siya ay tamad, ayaw gumawa ng kahit anong bagay kundi nais lamang niyang umasa sa ibang tao para makakain at mabihisan, o tinanggap niya ang mga kaisipan ng kanyang mga magulang, naniniwala na ang mga babae ay walang halaga at hindi nila kaya at hindi sila mismo ang dapat na lumutas sa mga isyung ito ng pagkain at pananamit, kundi dapat ay umasa lamang sila sa mga lalaki para makakain at mabihisan. Hindi ba’t hinahayaan ng babae na malugmok ang kanyang sarili sa kabuktutan? (Oo.) Bakit maling panghawakan ang mga gayong kaisipan at pananaw? Ano ang epekto ng mga ito? Bakit dapat bitiwan ng isang tao ang gayong nakakapanghamak na kaisipan? Kung pinapakain at binibihisan ka ng isang lalaki, at pagkatapos ay itinuturing mo siya bilang iyong amo, ang iyong superyor, ang siyang namamahala sa lahat, hindi ba’t sasangguni ka sa kanya sa bawat malaki o maliit na bagay? (Oo.) Halimbawa, kung nananampalataya ka sa Diyos, maaaring iniisip mo na, “Tatanungin ko ang namamahala kung pwede ba akong manampalataya sa Diyos; kung sasabihin niyang oo, mananampalataya ako, kung hindi, hindi ko ito gagawin.” Kahit na hinihiling ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na gawin ang kanilang mga tungkulin, kailangan mo pa ring hingin ang pagsang-ayon ng taong namamahala; kung masaya siya at pumayag siya, maaari mong gawin ang iyong tungkulin, pero kung hindi, hindi mo ito pwedeng gampanan. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, magagawa mo man Siyang sundin o hindi ay nakasalalay sa ugali at pagtrato ng iyong asawa sa iyo. Makikilatis ba ng iyong asawa kung tunay o huwad ang daang ito? Matitiyak ba ang kaligtasan at pagpasok sa kaharian ng langit kung makikinig ka sa kanya? Kung matalino at nakaririnig sa tinig ng Diyos ang asawa mo, kung siya ay isa sa mga tupa ng Diyos, kung gayon, maaari kang makinabang kasama niya, ngunit nakikinabang ka lamang kasama niya. Gayunpaman, kung isa siyang taong tampalasan at isang anticristo at hindi niya maarok ang katotohanan, ano ang gagawin mo? Mananampalataya ka pa ba? Wala ka bang mga tainga, o utak? Hindi mo ba kayang makinig sa mga salita ng Diyos? Pagkatapos marinig ang mga ito, hindi mo ba kayang makakilatis para sa sarili mo? Mapagpapasyahan ba ng asawa mo ang iyong kapalaran? Kinokontrol at pinangangasiwaan ba niya ang iyong kapalaran? Ibinenta mo na ba ang iyong sarili sa kanya? Malinaw sa lahat ang tungkol sa mga doktrinang ito, ngunit pagdating sa ilang problema na may kinalaman sa mga prinsipyo, may tendensiya ang mga tao na maimpluwensiyahan ng pagkokondisyon ng kanilang pamilya sa mga kaisipan at pananaw na ito nang hindi nila namamalayan. Kapag iniimpluwensiyahan ka ng mga kaisipan at pananaw na ito, madalas kang magkamali sa panghuhusga, at kapag ginagabayan ka ng mga kaisipan sa likod ng mga maling panghuhusga na ito, gumagawa ka ng mga maling desisyon, na aakay sa iyo sa maling landas, na sa huli ay hahantong sa pagkawasak. Napalagpas mo ang pagkakataon mong magawa ang iyong tungkulin, ang pagkakataong makamit ang katotohanan, at ang pagkakataong mailigtas. Ano ang nagtulak sa iyo sa pagkawasak? Sa panlabas, tila nalihis at naimpluwensiyahan ka ng isang lalaki, at winasak ka niya. Pero ang totoo, ang sarili mong malalim nang nakaugat na kaisipan ang nagtulak sa iyo tungo sa pagkawasak. Ibig sabihin, ang pinaka-ugat ng kinalabasang ito ay ang kaisipang “Sundin mo ang lalaking pakakasalan mo, mabuti man siya o masama.” Kaya naman, ang pagbitiw sa kaisipang ito ay napakahalaga.
Ngayon, sa pagbabalik-tanaw sa mga kaisipan at pananaw mula sa mga magulang at pamilya na pinagbahaginan natin na may kinalaman sa mga prinsipyo at estratehiya sa pagharap sa mundo, mga pamantayan ng pag-uugali, mga paraan ng mundo, lahi, kalalakihan at kababaihan, pag-aasawa, at iba pa—mayroon bang positibo sa alinman sa mga ito? Mayroon bang anuman dito na makagagabay sa iyo nang kaunti tungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan? (Wala.) Walang ni isa ang tumutulong sa iyo na maging isang tunay o kwalipikadong nilikha. Sa kabaligtaran, ang bawat isa sa mga ito ay lubos na pumipinsala sa iyo, nagtitiwali sa iyo sa pamamagitan ng pagkokondisyon ng gayong mga kaisipan at pananaw, dahil dito, ang mga tao ay ginagapos, kinokontrol, iniimpluwensiyahan, at ginugulo ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw sa kaloob-looban nila. Bagamat sa kaibuturan ng puso ng mga tao, ang pamilya ay isang lugar ng pagmamalasakit, isang lugar na puno ng mga alaala ng pagkabata at isang kanlungan ng kaluluwa, ang iba’t ibang negatibong impluwensiya na ibinibigay ng pamilya sa mga tao ay hindi dapat minamaliit. Hindi mapapawi ng pagmamalasakit ng pamilya ang mga maling kaisipang ito. Ang pagmamalasakit ng pamilya at ang magagandang alaala na dulot nito ay nagbibigay lamang ng kaunting ginhawa at kasiyahan sa aspekto ng pisikal na pagmamahal. Gayunpaman, hinggil sa mga bagay tulad ng kung paano umasal at humarap sa mundo, ng landas na dapat tahakin, o ng kung anong uri ng pananaw sa buhay at mga prinsipyo ang dapat taglayin, ang pagkokondisyon ng pamilya ay lubos na nakapipinsala. Mula sa perspektibang ito, bago pa man pumasok sa lipunan, nagawang tiwali na ang isang tao ng iba’t ibang kaisipan at pananaw sa kanyang pamilya—sumailalim na siya sa pagkokondisyon, kontrol, at impluwensiya ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw. Masasabi ng isang tao na ang pamilya ay ang lugar kung saan ang lahat ng maling kaisipan at pananaw ay unang natatanggap at ang lugar kung saan nagsisimulang umepekto at malayang naisasagawa ang mga ito. Ginagampanan ng mga pamilya ang ganitong uri ng papel sa buhay ng bawat isa at sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang pagbabahaginan natin sa paksang ito ay hindi tungkol sa paghiling sa mga tao na bitiwan ang pagmamahal ng pamilya o humiwalay o putulin sa panlabas ang ugnayan sa kanilang pamilya. Hinihiling lamang nito sa mga tao na partikular na kilalanin, unawain, at siyempre, mas tumpak at praktikal na bitiwan ang iba’t ibang maling kaisipan at pananaw na ikinintal ng kanilang pamilya. Ito ang partikular na pagsasagawa na dapat panghawakan ng isang taong naghahangad sa katotohanan kapag tinatalakay ang mga paksang may kinalaman sa pamilya.
Marami pang paksang may kinalaman sa pamilya. Hindi ba’t totoo na ang mga kasabihang ito na ikinokondisyon ng pamilya sa mga tao at ang mga pinagbahaginan natin ay masyadong karaniwan? (Oo.) Madalas nating marinig ang mga ito na sinasabi ng mga pamilya—kung hindi sa isang pamilya, sa isa pang pamilya. Hindi ba’t laganap at tipikal ang mga kasabihang ito? Ikinintal ng karamihan sa mga pamilya ang mga kaisipan at pananaw na ito sa iba’t ibang antas. Ang bawat kasabihang pinagbahaginan natin ay lumilitaw sa iba’t ibang paraan sa karamihan ng mga pamilya at nakikintal sa iba’t ibang yugto ng paglaki ng isang tao. Mula sa araw na naikintal ang mga kaisipang ito sa isang tao, nagsisimula siyang tanggapin ang mga ito, nagkakaroon ng partikular na kamalayan at pagtanggap sa mga kaisipang ito, at pagkatapos, dahil wala siyang kakayahang protektahan ang kanyang sarili, pinanghahawakan niya ang mga kaisipan at pananaw na ito bilang kanyang mga estratehiya at paraan ng pagharap sa mundo upang mabuhay at umiral sa hinaharap. Siyempre, marami ding tao ang sumusunod sa mga ito bilang kanilang batayan para magkaroon ng posisyon sa lipunan. Kaya, ang mga kaisipan at pananaw na ito ay hindi lamang lumalaganap sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao kundi pati na rin sa kanilang kalooban at sa iba’t ibang problema na kinakaharap nila sa kanilang landas ng pag-iral. Kapag lumilitaw ang iba’t ibang isyu, ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na nasa loob ng puso ng mga tao ay gumagabay sa kung paano nila pinangangasiwaan ang mga usaping ito; kapag lumilitaw ang iba’t ibang isyung ito, ang mga ito ay pinangingibabawan at pinamumunuan ng iba’t ibang kaisipan at pananaw, pati na rin ng mga prinsipyo at estratehiya sa pagharap sa mundo. Maabilidad na nagagamit ng mga tao ang mga maling kaisipan at pananaw na ito sa tunay na buhay. Sa ilalim ng patnubay ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, natural silang tumatahak sa maling landas. Dahil dinidiktahan ng mga maling kaisipan ang kanilang mga kilos, pag-uugali, buhay, at pag-iral, hindi maiiwasan na lihis din ang mga landas na kanilang tinatahak sa buhay. Dahil mali ang ugat ng mga kaisipang gumagabay sa kanila, natural na mali rin ang kanilang landas. Baluktot ang direksiyon ng kanilang landas, kaya’t nagiging napakalinaw ng resulta sa huli. Ang mga tao, na nakondisyon ng iba’t ibang kaisipan ng kanilang pamilya, ay tumatahak sa maling landas, at pagkatapos ay inililigaw sila ng maling landas na ito. Dahil dito, patungo sila sa impiyerno, patungo sa pagkawasak. Sa huli, ang ugat ng kanilang kapahamakan ay nakasalalay sa iba’t ibang maling kaisipang ikinondisyon ng kanilang mga pamilya. Dahil sa matitinding kahihinatnan, dapat bitiwan ng mga tao ang pagkokondisyon ng iba’t ibang kaisipang ibinigay sa kanila ng kanilang pamilya. Sa kasalukuyan, ang impluwensiya ng pagkokondisyon ng iba’t ibang maling kaisipan sa mga tao ay upang pigilan sila na tanggapin ang katotohanan. Dahil sa paggabay ng mga maling kaisipang ito at sa pag-iral ng mga ito, madalas na hindi maarok ng mga tao ang katotohanan at tinatanggihan at nilalabanan pa nga ito sa kanilang puso. Ang mas malala pa, siyempre, maaaring magdesisyon ang ilang tao na ipagkanulo ang Diyos. Ganito na ang nangyayari ngayon, ngunit kung titingnan nang pangmatagalan, sa ilalim ng mga sitwasyong hindi matanggap ng mga tao ang katotohanan o na ipinagkakanulo nila ang katotohanan, ang mga maling kaisipang ito ay umaakay sa kanila na tumahak sa isang lihis na landas na sumasalungat sa katotohanan, ipinagkakanulo at itinatanggi ang Diyos. Sa ilalim ng paggabay ng gayong maling landas, kahit na tila nakikinig sila sa sinasabi ng Diyos at tila tinatanggap nila ang Kanyang gawain, sa huli ay hindi sila tunay na maliligtas dahil sa maling landas na tinatahak nila. Nakakalungkot talaga ito. Samakatuwid, dahil ang impluwensiya ng iyong pamilya ay maaaring humantong sa malulubhang kahihinatnan, hindi dapat balewalain ng isang tao ang mga kaisipang ito. Kung nakondisyon ka ng mga kaukulang maling kaisipan mula sa iyong pamilya sa iba’t ibang isyu, dapat mong suriin at bitiwan ang mga ito—huwag nang kumapit sa mga ito. Anuman ang kaisipan, kung mali at sumasalungat ito sa katotohanan, ang tanging tamang landas na dapat mong piliin ay ang bitiwan ito. Ang tumpak na pagsasagawa ng pagbitiw ay ganito: Ang pamantayan o batayan ng iyong pagtingin, paggawa, o pangangasiwa sa bagay na ito ay hindi na dapat ang mga maling kaisipang ikinintal ng iyong pamilya, kundi dapat ay batay na sa mga salita ng Diyos. Bagamat maaaring hingin ng prosesong ito na magbayad ka ng kaunting halaga, na pakiramdam mo ay kumikilos ka nang labag sa iyong kalooban, na napapahiya ka, at maaaring magresulta pa nga ng kawalan sa iyong mga interes sa laman, anuman ang kinakaharap mo, dapat patuloy mong iayon ang iyong pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyong sinasabi Niya sa iyo, at hindi ka dapat sumuko. Tiyak na magiging mahirap ang proseso ng pagbabagong ito, hindi ito magiging madali. Bakit hindi ito magiging madali? Ito ay isang paligsahan sa pagitan ng mga negatibo at positibong bagay, isang paligsahan sa pagitan ng masasamang kaisipan mula kay Satanas at sa katotohanan, at isang paligsahan din sa pagitan ng iyong kagustuhan at pagnanais na tanggapin ang katotohanan at mga positibong bagay laban sa mga maling kaisipan at pananaw sa iyong puso. Dahil mayroong isang paligsahan, maaaring magdusa ang isang tao at dapat siyang magbayad ng halaga—ito ang dapat mong gawin. Kung gustong tahakin ng isang tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan at kamtin ang kaligtasan, dapat niyang tanggapin ang mga katunayang ito at danasin ang mga paligsahang ito. Siyempre, sa panahon ng mga paligsahang ito, tiyak na magbabayad ka ng halaga, magdurusa ng pasakit, at bibitiwan mo ang ilang bagay. Anuman ang hitsura ng proseso, sa huli, ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, pagkamit sa katotohanan at kaligtasan—iyon ang pinakalayon. Kaya, sulit lang ang anumang halagang ibinayad para sa layong ito dahil ito ang pinakatamang layon at ito ang dapat mong hangarin upang maging isang kwalipikadong nilikha. Upang makamit ang layong ito, gaano man kalaki ang pagsisikap o halagang dapat mong bayaran, hindi ka dapat magkompromiso, umiwas, o matakot, dahil hangga’t hinahangad mo ang katotohanan at nilalayong matakot sa Diyos, umiwas sa kasamaan, at mailigtas, kung gayon, kapag naharap ka sa anumang paligsahan o labanan, hindi ka mag-iisa. Sasamahan ka ng mga salita ng Diyos; taglay mo ang Diyos at ang Kanyang mga salita bilang iyong suporta, kaya hindi ka dapat matakot, tama? (Oo.) Kaya, mula sa ilang puntong ito, kung ito man ay maling pagkokondisyon ng pag-iisip mula sa pamilya o mula sa iba pang pinanggalingan, dapat piliin ng isang tao na bitiwan ito. Halimbawa, gaya lang ng pinagbahaginan natin, madalas na sinasabi sa iyo ng iyong pamilya, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya.” Sa katunayan, ang pagsasagawa ng pagbitiw sa kaisipang ito ay simple lang: Kumilos lamang ayon sa mga prinsipyong sinasabi ng Diyos sa mga tao. “Ang mga prinsipyong sinasabi ng Diyos sa mga tao”—medyo malawak ang pariralang ito. Paano ito partikular na isinasagawa? Hindi mo kailangang suriin kung mayroon kang intensiyong pinsalain ang iba, hindi mo rin kailangang maging mapagbantay laban sa iba. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Sa isang aspekto, dapat maayos mong mapanatili ang mga mapayapang ugnayan sa iba; sa isa pang aspekto, kapag nakikitungo sa iba’t ibang tao, dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan at ang katotohanan bilang isang pamantayan upang makilala kung anong uri sila ng tao, at pagkatapos ay tratuhin sila batay sa mga kaukulang prinsipyo. Ganoon lang ito kasimple. Kung sila ay mga kapatid, tratuhin sila bilang mga kapatid; kung sila ay masigasig sa kanilang paghahangad, at nagsasakripisyo at ginugugol ang kanilang sarili, kung gayon ay ituring sila bilang mga kapatid na tapat na gumagampan sa kanilang tungkulin. Kung sila ay mga hindi mananampalataya, ayaw gampanan ang kanilang tungkulin, nais lamang na mamuhay nang pasibo, kung gayon, hindi mo sila dapat tratuhin bilang mga kapatid kundi bilang mga walang pananampalataya. Kapag tinitingnan mo ang mga tao, dapat mong tingnan kung anong uri sila ng tao, ano ang kanilang disposisyon, pagkatao, at ang kanilang saloobin sa Diyos at sa katotohanan. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at handa silang isagawa ito, ituring mo sila bilang mga tunay na kapatid, bilang pamilya. Kung masama ang kanilang pagkatao, at magaling lang sila sa salita pero hindi handang isagawa ang katotohanan, may kakayahang talakayin ang doktrina pero hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung gayon, ituring mo sila bilang mga trabahador lamang, hindi bilang pamilya. Ano ang sinasabi ng mga prinsipyong ito sa iyo? Sinasabi ng mga ito sa iyo ang prinsipyo na dapat gamitin sa pagtrato sa iba’t ibang uri ng tao—ito ay isang prinsipyong madalas na nating tinatalakay, iyon ay ang pagtrato sa mga tao nang may karunungan. Ang karunungan ay isang pangkalahatang termino, ngunit sa partikular, nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mga malinaw na pamamaraan at prinsipyo sa pakikitungo sa iba’t ibang uri ng tao—lahat ay nakabatay sa katotohanan, hindi sa mga personal na damdamin, personal na kagustuhan, personal na pananaw, sa mga bentaha at desbentaha nila sa iyo, o sa kanilang edad, kundi sa mga salita lamang ng Diyos. Samakatuwid, sa pakikitungo sa mga tao, hindi mo kailangang suriin kung mayroon kang intensiyon na pinsalain ang iba o maging mapagbantay laban sa iba. Kung tinatrato mo ang mga tao nang may mga prinsipyo at pamamaraang ibinigay sa iyo ng Diyos, maiiwasan ang lahat ng tukso, at hindi ka mahuhulog sa anumang tukso o alitan. Ganito ito kasimple. Ang prinsipyong ito ay angkop din kapag humaharap sa mundo ng mga walang pananampalataya. Kapag nakakita ka ng isang tao, iisipin mo, “Siya ay masama, isang diyablo, isang demonyo, isang butangero, o isang taong tampalasan. Hindi ko kailangang magbantay laban sa kanya; hindi ko siya papansinin o gagalitin. Kung kinakailangan ko siyang makasalamuha dahil sa gawain, pangangasiwaan ko ito sa paraan na opisyal at walang kinikilingan. Kung hindi ito kinakailangan, iiwasan ko ang pakikipag-ugnayan o pakikisalamuha, at hindi ko siya ipagtatanggol o bobolahin. Hindi niya ako mahahanapan ng mali. Kung gusto niya akong apihin, may Diyos ako. Aasa ako sa Diyos. Kung pahihintulutan siya ng Diyos na apihin ako, tatanggapin ko ito at magpapasakop ako. Kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos, hindi niya ako magagawang saktan kahit katiting.” Hindi ba’t ito ay tunay na pananalig? (Oo.) Dapat mayroon ka nitong tunay na pananalig at hindi matakot sa kanya. Huwag sabihing isa lang siyang astig na butangero o isang taong hindi naman importante: Kahit kapag nahaharap sa malaking pulang dragon, sinusunod natin ang prinsipyong ito. Kung binabawalan ka ng malaking pulang dragon na manampalataya sa Diyos, nangangatwiran ka ba rito? Pinangangaralan mo ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Walang saysay pangaralan ito.) Ito ay isang diyablo, hindi karapat-dapat na makinig sa mga sermon. Hindi dapat sayangin ang mahahalagang bagay sa mga hindi marunong magpahalaga sa mga ito. Ang katotohanan ay hindi sinasalita para sa mga hayop o diyablo; ito ay para sa mga tao. Kahit na nakakaintindi ang mga diyablo o mga hayop, hindi ito ipapangaral sa kanila. Hindi sila karapat-dapat! Ano ang masasabi mo sa prinsipyong ito? (Mabuti.) Paano mo tinatrato ang mga may masamang pagkatao, ang masasama, ang mga naguguluhan, at ang mga walang katwiran na nang-aapi sa iglesia, o iyong mga nasa lipunan na may kapangyarihan, na nanggagaling sa malalaking pamilya, o nagtataglay ng kabantugan? Tratuhin sila ayon sa nararapat sa kanila. Kung sila ay mga kapatid, makihalubilo sa kanila. Kung hindi, huwag silang pansinin at ituring sila bilang mga walang pananampalataya. Kung angkop sila sa mga prinsipyo ng pagbabahagi ng ebanghelyo, ibahagi ito sa kanila. Kung hindi sila ang layon ng ebanghelyo, huwag makipagkita o makihalubilo sa kanila sa buhay na ito. Ganoon ito kasimple. Hindi na kailangang maging mapagbantay laban sa mga diyablo at mga Satanas, magsampa ng kaso laban sa kanila, o maghiganti. Huwag mo na lang silang pansinin. Huwag silang galitin, at huwag makihalubilo sa kanila. Kung, sa ilang kadahilanan ay hindi maiwasang makipag-ugnayan o makitungo sa kanila, kung gayon, harapin mo ang mga bagay sa paraan na opisyal at walang kinikilingan at nang batay sa mga prinsipyo. Ganoon ito kasimple. Ang mga prinsipyo at pamamaraang itinuturo ng Diyos para sa pagkilos at pag-uugali ng mga tao ay nakakatulong sa iyo na umasal nang may dignidad, tinutulutan kang mamuhay na taglay ang mas higit na wangis ng tao. Samantalang ang paraan ng pagtuturo sa iyo ng iyong mga magulang, bagamat tila nagmumukhang pinoprotektahan at binabantayan ka nila, ay talagang inililigaw at itinutulak ka sa kailaliman ng pagdurusa. Ang itinuturo nila ay hindi ang tamang paraan o ang matalinong diskarte sa pag-asal, kundi isang tuso at kasuklam-suklam na paraan na salungat at walang kaugnayan sa katotohanan. Kaya, kung ang tinatanggap mo lang ay ang mga kaisipang ikinokondisyon sa iyo ng iyong mga magulang, nagiging mabigat at matrabaho para sa iyo na tanggapin ang katotohanan, at nagiging mahirap ang pagsasagawa sa katotohanan. Gayunpaman, kung tunay kang may puso na bitiwan ang mga kaisipang tungkol sa pag-asal at ang mga prinsipyo ng pagharap sa mundo na nagmumula sa iyong pamilya, nagiging mas madali ang pagtanggap sa katotohanan, at gayundin ang pagsasagawa rito.
Tungkol naman sa pagkokondisyon ng pamilya, bukod sa mga kaisipan at pananaw na nabanggit natin, mayroon pa bang iba? Mangyaring ibuod ito. Maraming bagay ang nagmumula sa pamilya, at sa Tsina, tinatawag itong “kultura sa hapag-kainan.” Halimbawa, sa hapag-kainan, maaaring sabihin ng isang bata, “Ang class monitor namin, iyong babaeng may tatlong stripes sa manggas niya, ay palaging tsine-tsek ang takdang-aralin ko at sinasabi niya na hindi ko pa ito natapos, kahit na natapos ko na. Lagi niya akong pinupuna.” Maaaring sumasagot ang mga magulang, “Lalaki ka, at babae siya. Bakit ka ba nag-aalala tungkol sa kanya? Tumutok ka sa pag-aaral mo para maging proud ang nanay mo. Kapag naging class monitor ka, pwede mong i-tsek ang kanyang takdang-aralin, at magiging maayos ang mga bagay-bagay, hindi ba?” Pagkarinig nito, maaaring isipin ng bata, “Makatwiran naman. Lalaki ako, at kahit siya ang class monitor, babae pa rin siya. Hindi ako dapat mag-alala tungkol sa kanya. Kung guguluhin niya akong muli, hindi ko na lang siya papansinin at matatapos na iyon. Kung mas guguluhin niya ako, mas sisipagan ko ring mag-aral. Malalampasan ko siya, at sa susunod na termino, ako na ang magiging class monitor at ako ang mamamahala sa kanya. Maaayos niyon ang mga bagay-bagay.” Ito ay isang halimbawa ng kultura sa hapag-kainan. Sa hapag-kainan, kung magsisimulang umiyak ang isang batang lalaki, maaaring sasabihin ng mga magulang, “Tigilan mo iyan! Bakit ka umiiyak? Wala kang kwenta!” Ang pag-iyak ba ay nangangahulugan na wala kang kwenta? Ibig bang sabihin niyon na mahusay may potensiyal ang mga taong hindi umiiyak? Ang bawat batang lalaki na hindi kailanman umiyak ay isa bang mahusay na indibidwal? Tingnan mo ang mga matagumpay na taong iyon—umiyak at lumuha ba sila noong bata pa sila? Nagkaroon ba sila ng mga emosyon? Naranasan ba nila ang saya, galit, pighati, at kaligayahan? Naranasan nila ang lahat ng ito. Hindi mahalaga kung ang isang tao ay isang tanyag o ordinaryong tao, ang bawat isa ay may kahinaan ng tao o likas na gawi ng tao. Dahil sa pagtuturo ng magulang at sa kanilang pinagmulang lipunan, kadalasang itinuturing ng mga tao ang parteng ito bilang mahina, duwag, walang kakayahan, o madaling apihin. Hindi sila kailanman naglalakas-loob na hayagan itong ipakita; sa halip, palihim nila itong ipinapahayag sa isang sulok. Ang ilang tanyag na tao, kapag nahaharap sa mga pinakamahirap na panahon sa kanilang propesyon, nang walang tumutulong o sumusuporta sa kanila, ay maaaring naghihintay hanggang sa ang lahat ng sundalo, mga nasasakupan, at mga katulong sa kanilang paligid ay makaalis na. Pagkatapos, inilalabas nila ang kanilang mga emosyon sa pamamagitan ng palihim na paghagulgol nang malakas. Pagkatapos sumigaw, pinag-iisipan nila ito, “May nakarinig ba niyon? Masyado ba akong mapusok? Dapat ay hininaan ko nang kaunti!” Ngunit tila hindi sapat na hinaan ito nang kaunti, kaya’t tinatakpan nila ng tuwalya ang kanilang bibig at patuloy na humahagulgol. Ang normal na sangkatauhan ay nangangailangan ng pagpapalaya at pagpapahayag ng iba’t ibang emosyon. Gayunpaman, sa ilalim ng napakatinding panggigipit ng lipunang ito at ng pang-aapi ng iba’t ibang pampublikong opinyon, walang sinuman ang naglalakas-loob na ipahayag ang kanilang mga emosyon nang normal. Dahil, simula sa pagtuturo at pagkokondisyon ng pamilya, naikintal sa bawat indibidwal ang ilang maling paniniwala, tulad ng “Ang isang lalaki ay dapat makakaasa sa kanyang sarili,” “Upang mapanday ang bakal, dapat malakas ang isang tao,” “Hindi kailangang mag-alala ng isang tao tungkol sa mga tsismis kung siya ay isang matuwid na tao,” at “Kung malinis ang iyong konsensiya, hindi ka matatakot na usigin nito.” Mayroon ding “Ang mabait na tao ay inaapi, gaya ng maamong kabayo na sinasakyan,” na naghahatid ng mensahe na dapat iwasan ng isang tao ang pagiging madaling puntiryahin, at sa halip ay dapat niyang apihin ang iba. Ano ang ibig sabihin ng “mabait” sa konteksto ng “Ang mabait na tao ay inaapi, gaya ng maamong kabayo na sinasakyan”? Ang ibig sabihin nito ay inosente, simple, tapat, mabait, at matuwid. Ibig sabihin, iminumungkahi nito na dapat mong iwasan na maging ganitong uri ng tao, dahil ang mga taong iyon ay madaling puntiryahin. Kaya, sa halip na ganoon, anong uri ng tao ka dapat maging? Dapat kang maging isang mabagsik, tampalasan, gahaman, kontrabida, masamang tao, kriminal—tapos walang maglalakas-loob na kalabanin ka. Saan ka man magpunta, kung hindi gumagana ang pangangatwiran, dapat kang kumilos na parang gahaman, at kayang gumawa ng eksena, magwala, maging hindi makatwiran, at lumikha ng gulo. Umuunlad ang mga taong kumikilos sa ganitong paraan. Sa anumang lugar ng trabaho o grupong panlipunan, karamihan sa mga tao ay natatakot sa mga ganitong indibidwal, at walang sinuman ang nangangahas na galitin sila. Para silang mabahong tae ng aso o nakakairitang insekto, at sa sandaling madikit sila sa iyo, mahirap silang tanggalin. Kailangan mong maging ganitong uri ng tao. Huwag mong hayaang isipin ng mga tao na madali kang puntiryahin o madaling galitin. Dapat mayroong mga tinik sa buong katawan mo. Kung wala kang mga tinik, hindi mo maitatatag ang iyong sarili sa lipunang ito. Palaging may isang taong mang-aapi sa iyo. Ang pagtuturo ng pamilya ay nagsisilbing gabay para sa landas mo sa buhay, at isa ring partikular na aral at pagkintal ng mga prinsipyo kung paano umasal. Ibig sabihin, ginagamit ng mga magulang ang mga kaisipan at kasabihang ito para turuan ka kung paano umasal, kumilos, at humarap sa mga bagay-bagay. Anong uri ng tao ang sinasabi nila na dapat kang maging? Sa panlabas, maaaring nagsasabi ang ilang magulang ng mga bagay na magandang pakinggan, tulad ng, “Hindi na kailangang sumikat o maging isang tanyag na tao ang anak ko; sapat na ang pagiging isang mabuting tao.” Gayunpaman, sinasabi rin nila sa kanilang mga anak ang mga pariralang tulad ng, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” “Ang mabait na tao ay inaapi, gaya ng maamong kabayo na sinasakyan,” at “Ang isang lalaki ay dapat makakaasa sa kanyang sarili.” Kaya, pagkatapos ng maraming pagsasalita, sinasabi ba nila sa kanilang mga anak na maging mabuting tao o iba pa? (Hinihikayat nila ang kanilang mga anak na maging mabagsik, o kahit man lang magkaroon ng kakayahang protektahan ang sarili.) Sabihin mo sa Akin, handa ba ang karamihan sa mga magulang na makita ang kanilang mga anak na nang-aapi ng iba o mas gugustuhin ba nilang makita ang mga anak na maging matuwid at tumatahak sa tamang landas subalit madalas inaapi at ibinubukod? Anong uri ng tao dapat na maging ang isang bata para ang kanyang mga magulang ay maging pinakamasaya, pinaka-proud, at makikitaan ng kagalakan ang mukha? (Proud ang mga magulang kapag ang mga anak nila ay nagagawang mang-api ng iba, ngunit itinuturing nilang kahiya-hiya kung ang kanilang mga anak ay madalas na pinagmamalupitan habang tumatahak sa tamang landas.) Kung tumatahak ka sa tamang landas ngunit madalas na pinagmamalupitan, ang iyong mga magulang ay mamimighati, malulungkot, at magdadalamhati, at hindi sila papayag na mangyari ito. Ano ang nasa ugat nito? Anuman ang mga dahilan, ang bawat kaisipan at pananaw na itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak tungkol sa kung paano umasal at kumilos ay mali at sumasalungat sa katotohanan. Sa madaling salita, hinding-hindi ka aakayin ng mga kaisipan at pananaw na ito na ikinikintal sa iyo ng mga magulang tungo sa presensiya ng Diyos, ni hindi ka aakayin ng mga ito tungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Siyempre, hindi kailanman magkakamit ng kaligtasan ang mga tao sa ilalim ng patnubay ng gayong mga kaisipan at pananaw. Hindi maikakaila ang katunayang ito. Kaya, anuman ang mga intensiyon o motibasyon ng iyong mga magulang, anuman ang impluwensiya nila sa iyo, kung ang isinasabuhay mo ay kumokontra sa katotohanan, sumasalungat sa katotohanan, at pumipigil sa iyo na magpasakop sa Diyos at sa katotohanan, kung gayon ay dapat mong bitiwan ito.
Tungkol sa iba’t ibang kaisipan mula sa pagkokondisyon ng pamilya na bumuo nitong mga huling sesyon ng pagbabahaginan, bagamat malawakang ginagamit at itinataguyod sa mga tao ang mga kaisipang ito, gaano man karami ang tumatanggap sa mga ito o gaano man karaming tao ang yumayakap sa mga ito, at gaano man karaming tao ang umaasa sa mga ito, kung isasaalang-alang ang pinsalang idinudulot ng mga ito sa mga indibidwal, napakahalaga na bitiwan ng mga tao ang mga kaisipan at pananaw na ito. Dapat nilang suriing muli o harapin ang iba’t ibang usapin na nauukol sa mga kaisipan at pananaw na ito, saliksikin ang mga tamang landas ng pagsasagawa at mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pasukin ang mga katotohanang realidad sa ilalim ng pamantayang dapat nilang bitiwan itong pagkokondisyon sa pag-iisip, nang sa gayon ay magkaroon sila ng pag-asang maligtas. Sa pamamagitan nitong mga sesyon ng pagbabahaginan tungkol sa mga kaisipan at pananaw at iba’t ibang partikular na kasabihang ikinondisyon sa iyo ng pamilya, napapaisip Ako kung hanggang saan mo nakilala ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na umiiral sa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Sa madaling salita, anuman ang mangyari, ang mga sesyon ng pagbabahaginan na ito ay dapat magsilbi bilang pampamulat, na nagbibigay sa mga tao ng sariwang pang-unawa sa konsepto ng pamilya, pati rin ng isang bagong pagkaunawa at pagkabatid sa pagkokondisyon ng mga kamag-anak ng pamilya, pag-iisip ng pamilya, at kultura ng pamilya, na nagbibigay sa kanila ng bagong pamamaraan ng pakikitungo at abilidad na gamitin ang tamang perspektiba at paninindigan sa kung paano nila pinakikitunguhan ang kanilang pamilya. Anuman ang panlabas na paraan ng pakikitungo mo sa iyong pamilya, sa madaling salita, tungkol sa mga bagay na naimpluwensiyahan ka ng iyong pamilya gaya ng mga maling kaisipan at pananaw tungkol sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay, paano umasal, at kumilos, dapat mong kilatisin ang bawat isa sa mga ito, at pagkatapos ay isa-isa mong bitiwan ang mga kaisipang ito, upang yakapin nang may tunay na pagkaunawa ang mga pananaw at pamamaraan na itinuturo ng Diyos sa mga tao, at tanggapin ang iba’t ibang tamang pananaw at pamamaraan na itinuturo ng Diyos sa mga tao tungkol sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay, paano umasal, at kumilos. Ito ang dapat gawin ng mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan.
Ang isang mahalagang kaisipan at pananaw na ikinintal ng mga pamilya sa mga tao ay na dapat silang maging mabagsik at gumamit ng iba’t ibang paraan para protektahan ang kanilang sarili. Kung iisipin kung paano pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang mga interes, laman, at personal na seguridad pagkatapos makakuha ng mga diskarte at pamamaraan sa pagharap sa mundo mula sa pagkokondisyon ng iba’t ibang kaisipan at pananaw, ano ang pangunahing layon sa likod ng pagkikintal ng mga pamilya ng mga kaisipang ito? Ito ay upang protektahan ang mga indibidwal mula sa pang-aapi. Ngayon, suriin natin ang diwa ng pagiging naaapi. Mabuting bagay ba ang maapi? Maiiwasan ba ito? Mayroon bang sinuman na hindi kailanman naapi? Ano ang kaakibat ng pagiging naaapi? Bukod sa umaasa ang mga magulang na ang kanilang mga anak ay maaaring maging bahagi ng lipunan at normal na maitatag ang kanilang sarili, palagi ring natatakot ang mga magulang na ang kanilang mga anak ay maapi. Samakatuwid, madalas magbahagi sa iyo ang iyong mga magulang ng ilang hakbang at paraan para sa pagharap sa mundo, ginagamit ang mga pamamaraang ito para protektahan ka at maiwasan mo ang pang-aapi. Dahil hindi ka masasamahan o mapoprotektahan ng iyong mga magulang sa lahat ng oras, kapag ibinuka mo ang iyong mga pakpak at kailangang lumipad nang mag-isa, sinasangkapan ka nila ng ilang kaisipan at pananaw para matiyak na hindi ka maapi. Tama ba ang mga kaisipan at pananaw na ito? Natatakot ba kayong maapi? Pinanghahawakan ba ninyo ang kaisipan at pananaw na ito: “Pagkarating ko sa lipunan at sa mga grupo sa lipunan, at lalo na kapag nakikipag-ugnayan ako sa mga walang pananampalataya, natatakot akong maapi—ito ang pinaka-ikinababahala ko. Kung makatatagpo ako ng isang taong halos kapantay ko, makakaya ko pa ring ipagtanggol ang sarili ko. Ngunit kung makatagpo ako ng isang taong mas mabagsik kaysa sa akin, hindi ako mangangahas na lumaban. Tatanggapin ko na lang ang kahit anong pang-aapi sa akin. Wala akong magagawa tungkol dito. Mayroon silang mga tagasuporta at mga taong maimpluwensiya, at kailangan kong tiisin ito.” Ito ba ang nangingibabaw na kaisipan at pananaw sa karamihan ng mga tao? (Mayroon akong ganoong mga pananaw noon. Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, nakasundo ko na ang aking mga kapatid. Kapag nakikipag-ugnayan ako sa mga walang pananampalataya, kahit na nahaharap sa pang-aapi at pang-uusig, alam kong pinahihintulutan ito ng Diyos, at may aral na kailangan kong matutunan. Kaya, hindi na ako gaanong natatakot, at sa halip ay natutong umasa sa Diyos para maranasan ito.) Anong uri ng tao ang partikular na puno ng takot? (Iyong mga walang pananalig sa Diyos.) Bukod sa mga indibidwal na ito, mayroon ding mga taong talagang matatakutin, na introvert at may mababang pagpapahalaga sa sarili, na mahina at masakitin, na hindi gaanong kaakit-akit ang hitsura o na may mas maliit na tayog, na nagmula sa kahirapan—lalo na iyong mga galing sa pamilyang kinukutya o dinidiskrimina—na may mababang katayuan sa lipunan, walang kasanayan o kadalubhasaan, at nagtatrabaho bilang manual laborers, at iyong mga may pisikal na kapansanan, bukod sa iba pa. Ang lahat ng taong ito ay mas madaling apihin at natatakot silang maapi. Laganap ba na isyu sa lipunan ang pang-aapi? (Oo.) Kung saan may mga tao, mangyayari ang mga bagay na ito roon. Paano nagkakaroon ng pang-aapi? (Dahil, pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, sila ay naging napakasama, nagnanais na mang-api ng iba habang sila mismo ay hindi naaapi. Kaya’t ang mga insidente ng paniniil ay nangyayari sa lahat ng dako.) Ito ay isang aspekto. Ang ilang tao ay ayaw maapi ng iba, kaya sila ang nagkukusa, una nilang inaapi ang iba at tinatakot ang mga ito para walang maglakas-loob na mang-api sa kanila. Sa katunayan, sa kanilang kaloob-looban, ayaw nilang umasal nang ganito; nakakapagod din ito para sa kanila. Kapag pinatutumba mo ang lahat ng tao, hindi ba’t napapagod ka rin? May kasabihan na, “Magtamo ng higit na tagumpay, subalit katumbas nito ay malaking kawalan.” Kuning halimbawa ang isang parkupino: Pagkatapos nitong maglabas ng kanyang mga tinik, hindi ba’t napapagod nang husto ang nervous system nito? Nasasaktan ang mga tao kapag tinutusok sila nito, at napapagod din ito. Kaya, bakit nito ginagawa iyon kung ito ay nakakapagod? Ito ay para sa pangangalaga sa sarili—kinakailangang magsikap ng parkupino para protektahan ang sarili. Sapagkat ang masamang mundong ito ay walang anumang positibo o tumpak na prinsipyo sa pagtrato sa iba’t ibang tao, at ang mga tao ay inuuri batay sa pilosopiya ni Satanas sa mga makamundong pakikitungo at sa herarkiya ng lipunan, lumilitaw sa gitna ng mga tao ang pagkakaiba-iba at ang mga herarkiya batay sa mga prinsipyo at pamantayang ito ng hindi pantay na pagkakabukod-bukod. Kapag nangyayari ito, hindi nakakapag-ugnayan nang patas at maayos ang mga tao. Nakikipagkumpitensya sila upang mapabilang sa mataas na antas, upang maging ang pinakamahusay sa lahat. Ang mga nasa itaas ay maaaring maghari-harian sa iba, at apihin at kontrolin ang mga ito ayon sa kanilang kagustuhan. Dahil hindi patas ang lipunang ito, hindi rin patas ang mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao. Kaya, ang mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao ay tiyak na hindi magiging maayos, at ang mga prinsipyo, pamamaraan, at diskarte ng pakikipag-ugnayan ng mga tao sa isa’t isa ay pawang nagiging hindi patas. Ang pagiging hindi patas na ito ay partikular na tumutukoy sa mga tao na nagkukumpara ng kapangyarihan, pinagmulang pamilya, mga kasanayan, mga abilidad, pisikal na anyo, tangkad, pati na rin ng mga taktika, pakana, at estratehiya. Saan nagmumula ang lahat ng bagay na ito? Hindi nanggaling sa katotohanan o sa Diyos ang mga ito—nagmula ang mga ito kay Satanas. Ang mga bagay na ito mula kay Satanas ay nakikintal sa mga tao, at namumuhay sila ayon sa mga ito, kaya paano sa iyong palagay makikipag-ugnayan ang mga tao sa isa’t isa? Tatratuhin ba nila ang bawat isa nang patas? (Hindi.) Talagang hindi. Gagana ba kahit ang pinakasimpleng prinsipyo ng halalan sa sambahayan ng Diyos sa loob ng masamang mundong pinamumunuan ni Satanas? (Hindi.) Ano ang diwa kung bakit hindi ito gumagana? Ito ay dahil hindi naghahari ang katotohanan sa masamang mundong ito; ito ay pinamumunuan ng masasamang kalakaran, pati rin ng iba’t ibang kaisipan at mga pilosopiya ni Satanas. Kaya, maaari lamang na apihin at kontrolin ng mga tao ang isa’t isa—ito ang tanging posibleng kalagayan ng mga pangyayari. Imposibleng maiwasan ang pang-aapi—normal lang ito. Dahil ang mundo ay wala sa ilalim ng paghahari ng katotohanan, sa masamang mundong ito, kapag nakikipag-ugnayan ang mga tao sa isa’t isa, kung hindi ka isang taong nang-aapi ng iba, kung gayon ikaw ang naaapi. Ang dalawang bagay lang na ito ang papel mo. Sa katunayan, ang bawat tao ay parehong nang-aapi at naaapi. Ito ay dahil palaging mayroong mga taong nasa itaas at nasa ibaba mo. Inaapi mo ang iba dahil mas mataas ang katayuan mo kaysa sa kanila, ngunit kasabay nito, habang inaapi mo sila, may mga taong mas mataas pa ang katayuan at posisyon kaysa sa iyo, at aapihin ka nila, at kakailanganin mong tiisin ang kanilang pang-aapi. Ang isang uri ng mga tao ay nang-aapi sa isa pang uri: Ito ang ugnayan sa pagitan ng mga tao, ang mang-api at maapi. Ito ang tanging ugnayan. Walang tunay na pag-ibig sa pamilya, walang pagmamahal, walang pagpaparaya, walang pagpapasensiya, at walang posibilidad ng pagtrato sa bawat tao nang makatarungan at patas ayon sa mga prinsipyo. Dahil ang mundong ito ay hindi pinamumunuan ng katotohanan, kundi ni Satanas, ang tanging mga ugnayang nabubuo sa pagitan ng mga tao ay ang pang-aapi at ang maapi, ang manggamit at magamit. Ito ay hindi maiiwasan, at walang makakatakas dito. Maaari mong sabihin na ikaw ay isang boss sa mundo ng krimen at marami kang alipores at tauhan, lahat sila ay tinatakot at kinokontrol mo. Subalit, maging ang isang boss sa mundo ng krimen ay mayroon pa ring mga nakatataas, at nandiyan din ang gobyerno. Bagamat sinasabi na ang mga opisyal at bandido ay iisang pamilya, kung minsan, sadyang naghahanap ng gulo ang gobyerno, nagkakamit ng pakinabang, at hindi ka nito pakakawalan. Kakailanganin mong magbayad ng halaga sa istasyon ng pulis at makipaglapit sa kanila. Kita mo, bagamat tila marangya ang isang boss sa mundo ng krimen, kapag pumupunta sila sa istasyon ng pulis, kailangan pa rin nilang yumuko at magpakumbaba—hindi sila nangangahas na maging mayabang. Gaya ng mga kasabihan ng mga walang pananampalataya, “Kapag dumarami ang kabutihan, humahabol ang kasamaan,” at “Palaging mayroong mas hihigit pa sa iyo.” Nangangahulugan ito na ang bawat tao ay nang-aapi at naaapi, at ito ang diwa at penomena ng pang-aapi.
Tungkol sa usapin ng pang-aapi, sapagkat ito ay isang bagay na hindi maiiwasan ng sinuman, paano ito dapat harapin ng isang tao? Sa iglesia, kahit na maaaring hindi ka natatakot na maapi, umiiral ba ang ganitong bagay? Maaari bang mangyari ito? Kapag nakikisalamuha ka sa mga walang pananampalataya, maaaring apihin ka nila. Kaya, hindi ba’t nangyayari ito sa loob ng iglesia? (Nangyayari nga ito.) Nangyayari ito, sa iba’t ibang antas, dahil ang lahat ng tao ay ginawang tiwali ni Satanas. Bago magkamit ng kaligtasan ang mga tao, madalas silang nagpapakita ng katiwalian, at ang isang aspekto ng mga pagpapakita na iyon ng katiwalian ay ang pagtrato sa iba ayon sa sarili nilang kagustuhan, hindi pinakikitunguhan ang mga ito nang patas. Kapag lumitaw itong hindi patas na pagtrato sa iba, nangyayari din ang pang-aapi at ang maapi. Kaya, nangyayari paminsan-minsan ang mga bagay na ito, at hindi makakatakas o makakaiwas sa mga ito ang mga tao. Ano ang tamang prinsipyo sa pangangasiwa at pagharap sa usaping ito? (Ayon sa mga salita ng Diyos, ayon sa mga prinsipyo.) Sa teorya, ito ang sinasabi. Paano naman ang partikular na pagsasagawa nito? Paano mo mauunawaan ang usapin ng pang-aapi at ng naaapi? Halimbawa, sabihin nating sumulat ka ng isang liham para mag-ulat ng mga problema tungkol sa isang huwad na lider, at gusto kang apihin ng huwad na lider, sinasabing, “Kung ayaw mong umayos diyan, kung patuloy kang mag-uulat ng mga problema ko sa mga nakatataas, magsusumbong tungkol sa akin, o magsusulat ng negatibong bagay sa aking mga pagsusuri, papatayin kita! May kapangyarihan akong itiwalag ka. Hindi ka ba natatakot?” Paano mo pangangasiwaan ang sitwasyong ito? Pinagbabantaan ka niya; sa partikular na salita, inaapi ka niya. Nasa kanya ang kapangyarihan, at isa kang ordinaryong mananampalataya, kaya’t pabasta-basta ka niyang pinahihirapan nang walang anumang prinsipyo o batayan. Tinatrato ka niya sa paraan ng pagtrato ni Satanas sa mga tao. Sa mas kongkretong termino, hindi ba’t inaapi ka niya? Hindi ba’t sinsubukan ka niyang pahirapan? (Oo.) Kaya, paano mo ito pangangasiwaan? Makikipagkompromiso ka ba o maninindigan sa mga prinsipyo? (Maninindigan sa mga prinsipyo.) Sa teorya, ang mga tao ay dapat manindigan sa mga prinsipyo at hindi matakot sa huwad na lider na ito. Ano ang batayan nito? Bakit hindi ka dapat matakot sa kanya? Kung talagang ititiwalag ka niya, matatakot ka ba? Dahil kaya ka talaga niyang itiwalag, baka hindi ka maglakas-loob na manindigan sa mga prinsipyo, at baka matakot ka. Saan naiipit ang usaping ito? Bakit ka natatakot? (Dahil hindi ako naniniwala na ang sambahayan ng Diyos ay nasa ilalim ng pamumuno ng katotohanan.) Iyan ay isang aspekto nito. Kailangan mong magkaroon ng ganitong pananalig at sabihing, “Isa kang masamang tao. Huwag mong isipin na dahil lang sa isa kang lider ngayon ay may kapangyarihan kang itiwalag ako. Mali ang pagtitiwalag sa akin. Malalantad ang bagay na ito sa malao’t madali. Hindi ikaw ang may tanging awtoridad sa sambahayan ng Diyos. Kung ititiwalag mo ako ngayon, maparurusahan ka sa huli. Kung hindi ka naniniwala, maghintay ka lang at makikita mo. Ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan, ng Diyos. Hindi ka maaaring parusahan ng mga tao, ngunit maaari kang ibunyag at itiwalag ng Diyos. Kapag nalantad ang iyong mga maling gawain, iyon ang oras na haharapin mo ang iyong kaparusahan.” Mayroon ka bang ganitong pananalig? (Oo.) Mayroon ka? Kung gayon, bakit hindi ninyo masabi ito? Mukhang malalagay ka sa panganib kung mahaharap ka sa mga ganitong sitwasyon; wala kang lakas ng loob at tunay na pananalig. Kapag talagang nahaharap ka sa mga bagay na ito, kapag nakatatagpo ka ng masasamang tao at mga anticristo na ganito kabagsik, na ang mga paraan ng pagpapahirap sa mga tao ay katulad ng sa malaking pulang dragon, ano ang gagawin mo kung gayon? Magsisimula kang umiyak, sasabihing, “Naku, mababa ang tayog ko, matatakutin ako, noon pa man ay takot na ako sa gulo, natatakot na nga ako kahit sa maliliit na bagay lang. Sana lang talaga ay hindi ko kailangang harapin ang mga gayong tao. Ano ang gagawin ko kung apihin nila ako?” Inaapi ka ba nila? Hindi ka nila inaapi; iyan ay si Satanas na nagpapahirap sa iyo. Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng tao, masasabi mong, “Nakakatakot ang taong ito, mayroon siyang katayuan, at inaapi niya ang mga inosenteng tao na walang katayuan.” Iyan ba ang nangyayari? Mula sa pananaw ng katotohanan, hindi iyan pang-aapi; ito ay si Satanas na nagpapahirap sa mga tao, pinagmamalupitan sila, niloloko sila, tinitiwali sila, at niyuyurakan sila. Paano mo dapat harapin at pangasiwaan ang mga kilos na ito mula kay Satanas? Dapat ka bang matakot? (Hindi ako dapat matakot; dapat kong iulat at ilantad ang mga ito.) Sa puso mo, hindi ka dapat matakot sa kanila. Kung ang pag-uulat ng kanilang mga isyu at pakikipaglaban sa kanila ay hindi angkop sa ngayon, dapat pansamantala mong tiisin ang mga ito at maghanap ka ng tamang oras para iulat ang mga ito sa ibang pagkakataon. Kung may mga nakakakilatis na indibidwal na katulad mo sa iyong mga kapatid, dapat kayong magkaisa para iulat at ilantad ang kanilang masasamang gawa. Kung walang ibang taong may pagkilatis, at kapag nag-inisyatiba kang iulat sila, tinatanggihan ka ng lahat, maging mapagpasensya ka muna. Kapag pumunta sa iglesia ninyo ang mga mas nakatataas na lider para suriin at subaybayan ang gawain, maghanap ka ng tamang oras para iulat ang kanilang mga isyu sa mga lider na iyon, malinaw na ipahayag ang kanilang masasamang gawa nang detalyado, at hayaan ang mga lider na alisin sila. Matalino ba ito? (Oo.) Sa isang aspekto, dapat kang magkaroon ng pananalig at hindi matakot sa masasamang tao, anticristo, o kay Satanas. Sa isa pang aspekto, hindi mo dapat tingnan ang kanilang mga kilos sa iyo bilang pang-aapi ng isang tao sa isa pang tao; dapat mong tingnan ang diwa nito bilang panloloko, pagpapahirap, at pagyuyurak ni Satanas sa mga tao. Pagkatapos, depende sa sitwasyon, dapat kang gumamit ng karunungan para harapin ang kanilang pagpapahirap, humanap ng tamang panahon para ilantad at iulat sila, at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia. Ito ang patotoo na dapat mong panindigan at ang tungkulin at obligasyon na dapat mong gampanan bilang isang tao. Gaano ka man nila apihin o tratuhin nang hindi patas, huwag mo itong ituring bilang pang-aapi. Hindi sila ang nang-aapi sa iyo; si Satanas ang nanloloko, yumuyurak, at nagpapahirap sa mga tao. Sasabihin mo ba na inaapi ka ng malaking pulang dragon kapag inuusig nito ang mga mananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ka nito inaapi. Bakit ka nito inuusig? (Dahil ang diwa nito ay ang labanan ang Diyos.) Ang diwa nito ay ang labanan ang Diyos. Itinuturing nitong kaaway ang Diyos at nakikita nito ang lahat ng gawain ng Diyos bilang mga bagay na nakakairita o nakakasagabal. Itinuturing din nito ang mga taong hinirang ng Diyos bilang mga kaaway. Kung susundin mo ang Diyos, kapopootan ka nito, gaya ng sinasabi sa Bibliya: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, alam niyo na Ako’y unang kinapootan nito bago kayo” (Juan 15:18). Ang malaking pulang dragon ay napopoot sa mga tao, napopoot sa Diyos, itinuturing ang Diyos bilang kaaway, at higit sa lahat, itinuturing iyong mga sumusunod sa Diyos, lalo na ang mga nagsasagawa sa katotohanan, bilang mga kaaway. Kaya nais nitong usigin ka, patayin ka, pigilan ka sa pagsunod sa Diyos, itulak kang sambahin at sundin ito, at sumpain ang Diyos. Maaaring sasabihin mong, “Hindi ko Siya isusumpa.” Pagkatapos ay babantaan ka nito, “Kung hindi mo isusumpa ang Diyos, mamamatay ka!” Susubukan ka nitong pilitin na sabihing “Ang Partido Komunista ay mabuti,” at tutugon ka, “Hindi ko sasabihin iyon.” Pagkatapos ay sasabihin nito, “Kung hindi mo ito sasabihin, pahihirapan kita, tatratuhin at sasagutin kita ng malupit na pagpapahirap!” Pang-aapi ba iyon sa iyo? Hindi, iyon ay pang-aabuso ni Satanas sa mga tao. Naiintindihan mo ba? (Naiintindihan ko.) Dapat kang magkaroon ng tamang pag-unawa kapag hinaharap ang usapin ng pang-aapi. Sa lipunan at sa mga grupo ng mga tao, kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng tao, parehong ginagampanan ng bawat tao ang mga papel ng nang-aapi at ng inaapi. Ngunit kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng katotohanan, hindi mo ito dapat makita sa ganitong paraan. Ang diwa ng pag-uugali ng sinumang taong gusto kang apihin at kontrolin ay hindi itinuturing na pang-aapi. Sa halip, ito ay panloloko, pang-aabuso, pangmamanipula, pagyurak, at pagtitiwali ni Satanas. Sa mas partikular, nangangahulugan ito na hindi ka niya tinatrato ayon sa mga makatwiran at makataong pamamaraan, hindi ka niya tinatrato nang patas, kundi sa halip, pinanghahawakan niya ang pananaw at paninindigan ni Satanas, at ginagamit ang mga kaisipan ni Satanas bilang kanyang gabay sa kung paano ka niya tinatrato, kinakausap, at pinakikisamahan. Halimbawa, ipagpalagay na ikaw at ang isang masamang tao ay magkasama sa iisang silid. Ikaw ang unang dumating, kaya dapat mauna kang pumili ng komportableng pwesto, at pinili mo ang ibabang higaan. Sa sandaling dumating siya at makita ito, sasabihin niya, “Tama bang piliin mo ang ibabang kama? Hindi pa nga ako nakakapili, ikaw na ang nauna? Naglakas-loob ka pa talagang matulog sa ibabang kama kahit nandito ako? Ang kapal ng mukha mo! Hindi mo man lang sinabi sa akin at basta mo na lang pinili ang ibabang kama para doon matulog. Doon ka sa itaas!” Sasagot ka, “Bakit hindi ikaw ang matulog sa itaas na kama? Mas huli ka nang dumating; ayon sa pagkakasunod natin, dapat kang matulog sa itaas na kama.” Sasabihin niya: “Pagkakasunod? Hindi ko sinusunod iyan! Hindi ako pumipila kahit saan; ni hindi nga ako pumipila para makatagpo ang presidente! Inalam mo man lang ba kung sino ako? Ang lakas ng loob mo para kausapin ako tungkol sa pagkakasunod-sunod—ang kapal ng mukha mo! Gusto mo bang mamatay? Doon ka sa itaas!” Kaya, kailangan mong masunurin na umakyat sa itaas na kama para matulog. Ito ba ay pang-aapi sa iyo? Mula sa perspektiba ng tao, mukha itong pang-aapi. Tingin niya sa iyo ay inosente, isang taong kaya niyang manipulahin. Pinapakitaan ka muna niya ng nakakatakot na kapangyarihan at tinuturuan ka ng leksiyon para maintindihan mo kung sino siya. Ganito ang pagtingin dito mula sa perspektiba ng tao o mula sa perspektiba ng damdamin o laman ng tao. Ngunit, kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng katotohanan, ganito rin ba ang makikita mo? Ikaw ang unang pumili sa ibabang kama, maayos ang lahat, pero iginiit niya na lumipat ka, iniistorbo ka para lumipat sa itaas na kama. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Hindi ba’t pagpapahirap niya ito sa iyo? Hindi ba’t hindi ka niya tinatrato na parang tao? Hindi ba’t wala siyang respeto sa iyo? Hindi ba’t umaakto siya na parang siya ang amo, at tinatrato ka bilang isang utusan o alipin? Ano ang lohika ng kanyang mga kaisipan? Ang bawat tao na hindi kasinglakas niya ay tagapaglingkod lamang niya, isang taong pwede niyang utusan, isang taong pwede niyang pahirapan. Sa perspektiba ng katotohanan, hindi ito matatawag na pang-aapi; ito ay tungkol sa pagpapahirap sa mga tao. Sino ang may kakayahang pahirapan ang mga tao? Mga masamang tao, demonyo, butangero, basag-ulo, kawatan, mga taong hindi makatwiran, walang pagkatao, at walang respeto sa sinuman. Hindi sila sumusunod sa mga panuntunan saan man sila magpunta. Kumikilos sila na parang sila ang boss, na para bang ang anumang mabuti, kapaki-pakinabang, o makabuluhang bagay ay para sa kanila lamang. Ang iba ay hindi tinutulutang magkaroon ng parte sa mga naturang bagay o kahit man lang ang isipin na makakuha ng mga ito. Hindi ba’t ito ay isang kawatan? (Oo.) Ito ang ginagawa ng mga kawatan at demonyo. Pinahihirapan ka nila nang ganito, kaya hindi ba’t matatakot ka? Iisipin mo, “Naku, mayroon palang mga tao na ganito kanakakatakot. Iniisip pa nga niya na maling matulog ako sa ibabang kama. Ano ba ang nangyayari?” Matatakot ka, at mula noon, kapag kausap mo sila, kailangan mong maging maingat. Kailangan mong pagnilayan ito, iisiping: “Hindi ko pwedeng pasamain ang loob nila, at hindi ko sila pwedeng galitin. Kung gagalitin ko sila, pahihirapan nila ako.” Kung ganito ang pag-iisip mo, kung gayon, naabot na nila ang kanilang layon. Ano ang kanilang layon? Gusto ka nilang takutin, na katakutan mo sila, gusto nilang lumikha ng pagkakaiba ng antas sa pagitan ninyo, kung saan sila ang boss, at ikaw ang tagapaglingkod, at saan ka man magpunta, kailangan mong makinig sa kanila at sumunod sa kanila. Hindi ba’t ito ang prinsipyo ng paggawa ni Satanas sa mga bagay-bagay? Kailangan silang maging boss mo, at ikaw ay kailangang maging tagapaglingkod nila. Kailangan mong madisiplina, mautusan, at mapaglaruan nila nang walang makatarungang dahilan; kailangan mong sumunod sa kanila sa lahat ng bagay. Hindi ka pwedeng tumayong kapantay nila; kung gusto mong maging kapantay nila, ang tanging sitwasyon kung saan magagawa mo iyon ay kapag patay na sila—karapat-dapat ka lang na maging kapantay ng isang patay na tao. Sabihin mo sa Akin, gaano ka nila inaapi? Sa kaibuturan ng puso mo, natakot ka ba sa kanilang masasamang gawa at maawtoridad na pakikitungo? (Oo.) Tinanggap mo ang katunayang ito, nakipagkompromiso ka, kaya masasabi ba natin na bilang kinahinatnan ay nagawa ka nilang tiwali? Mahigpit ka nilang hinawakan; kapag gumagawa sila ng masasamang bagay at lumalabag sa mga prinsipyo, hindi ka naglalakas-loob na magsalita dahil dati nga ay pinalipat ka nila mula sa ibabang kama tungo sa itaas na kama nang ganoon-ganoon lang. Hindi ka mangangahas na galitin silang muli; kapag nakikita mo sila, iniiwasan mo sila, at ang simpleng pagbanggit ng pangalan nila ay nagdudulot sa iyo na pagpawisan ng malamig. Hindi ba’t pagkatakot ito sa kanila? Hindi ka naglalakas-loob na tratuhin sila nang patas ayon sa mga prinsipyo; mahigpit ang pagkakahawak nila sa iyo. Ano ang diwa ng kanilang mahigpit na pagkakahawak sa iyo? Nangangahulugan ito na hawak at kontrolado ka nila. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? (Oo.) Kaya, paano dapat harapin ng mga tao ang sitwasyong ito para hindi sila makontrol ng mga ito? Dapat mong ituring ang usapin ng pang-aapi ng masasamang indibidwal sa mga tao bilang isang penomena ng paggawang tiwali at pang-aabuso ni Satanas sa mga tao. Matapos mong maunawaang mabuti ang diwang ito, paano mo ito dapat harapin? Sa kaibuturan ng iyong puso, dapat mong kamuhian at itakwil ang masasamang indibidwal, huwag mo silang katakutan. Dapat mong isipin, “O, gusto mong matulog ako sa itaas na kama? Sige, sa itaas na kama ako matutulog. Pero ngayong araw ay nakita ko ang mga kilos ng isa pang masamang tao, nakilala ko ang diwa ng isa pang masamang tao, at mula ngayon ay makikilala ko na ang isa pang uri ng pag-uugali na ginagawa ng masasamang tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay at kapag nakatalikod ang mga tao. Simula ngayon, babantayan kong mabuti kung ano ang sinasabi at ginagawa nila, at kung nanlilinlang sila. Kung gagamitin sila ng sambahayan ng Diyos, titingnan ko kung kumikilos sila ayon sa mga prinsipyo, kung itinataguyod nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung nilulustay nila ang mga handog, at kung pinahihirapan pa rin nila ang iba.” Sa kaibuturan ng iyong puso, dapat kang magdasal: “O Diyos, pakiusap, ilantad Mo ang masamang taong ito, bigyan Mo ako ng kakayahang makilala ang kanyang masasamang gawa at ang kanyang diwa. Tulungan Mo akong mangalap ng ebidensya ng kanyang masasamang gawa, at bigyan Mo ako ng lakas ng loob, bigyan Mo ako ng kakayahang huwag matakot sa masasamang tao, magkaroon ng pananalig at lakas na labanan sila.” Bagamat makakasama mo pa rin siya sa iisang silid, at walang magbabago sa panlabas, sa kaibuturan ng puso mo, hindi ka matatakot sa kanya dahil ang lahat ng ginagawa niya sa iyo ay hindi pang-aapi; ito ay isang pagbubunyag at paglalantad ng kanyang satanikong kalikasan. Kapag ganito mo siya tinitingnan, matatakot ka pa rin ba sa kanya? Sa bawat masamang gawa na ipinapakita niya at bawat kakatwang salita na binibigkas niya, isusumpa mo siya sa puso mo, sasabihing, “Ikaw ay isang diyablo, ikaw ay si Satanas, gumagawa ka ng kasamaan at lumalaban sa Diyos, at sa malao’t madali, ikaw ay isusumpa. Hindi ka hahayaan ng Diyos na makatakas; malalantad ka sa huli!” Ganito mo dapat pakitunguhan ang masasamang tao. Dapat kang magkaroon ng pananalig at lakas na labanan sila, at dapat kang manalangin sa Diyos, pagkatapos ay magkakaroon ng lakas ang puso mo, at hindi ka matatakot sa kanila. Ano sa tingin mo? Hindi ba’t epektibo ang mga taktikang ito? (Epektibo ang mga ito.) Kapag kinilatis mo ang mga ito mula sa pananaw ng katotohanan, hindi ba’t mas praktikal ito kaysa sa itinuro sa iyo ng iyong mga magulang: “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya”? Ano ang silbi ng pag-iingat? Hindi mo mapipigilan ang pang-aabuso at pagtitiwali ni Satanas sa iyo. Ang pagtitiwali at pang-aabuso sa iyo ni Satanas ay mga bagay na hindi mapipigilan—nasa lahat ito ng dako. Ang pagtiwali ni Satanas sa mga tao ay hindi lamang sa panlabas, ito ay hindi lamang sa eksternal; ginagawa rin nitong tiwali ang iyong mga kaisipan. Magagawa mo bang mag-ingat laban doon? Ang pinakamahalagang bagay ay ang sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan at umasa ka sa Diyos. Hindi mo lamang dapat kilatisin ang mga kilos ng masasamang tao, kundi pati na rin ang diwa ng masasamang tao, at kasabay nito, dapat mong kilalanin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na ipinapahayag ng masasamang tao. Pagkatapos, sangkapan mo ang iyong sarili ng katotohanan, gamit ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan para ilantad at suriin ang mga ito, upang magkaroon din ng pagkilatis ang iyong mga kapatid. Pagkatapos, lahat ay maaaring tumindig para sama-samang tanggihan ang mga ito. Napakaganda niyon. Kung lagi kang depensibo, laging nag-iingat, laging tumatanggi o umiiwas, iyon ay pagiging duwag, hindi iyon ang pagpapamalas ng isang mananagumpay.
Sa pagbabahaginan natin tungkol sa lahat ng ito, mayroon na ba kayong bagong pananaw ukol sa usapin ng pang-aapi sa mga tao? Tama ba ang pang-aapi? (Hindi ito tama.) Ano ang kalikasan ng pang-aapi? (Ito ay pagpapahirap ng masasamang tao sa iba.) Sa diwa, ito ay pagpapahirap at panloloko ng masasamang tao at ni Satanas sa iba. Ngayon, ano ang kalikasan ng pagiging naaapi? (Ito ay ang pagiging mahina, hindi pagsasagawa sa katotohanan, hindi paglalakas-loob na tumindig at lumaban.) Tama, ang pagkatakot sa masasamang tao, pagkatakot sa masasamang pwersa, kawalan ng pananalig na labanan si Satanas, kawalan ng pananalig na makilala, makilatis, at maunawaan ang pangit na mukha ni Satanas, at kawalan ng pananalig na labanan ang pangyuyurak at pang-aabuso ni Satanas sa iyo—hindi ba’t ito ang kalikasan nito? (Oo.) Ang mga walang pananalig ay palaging may pangamba sa kanilang puso; palagi silang natatakot, iniisip na, “Hindi ako dapat apihin ng iba. Hindi ako nang-aapi ng iba, at hindi ako dapat apihin ng iba, tulad lamang ng sinabi ng nanay ko, ‘Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya.’” Nagdarasal sila sa Diyos, nagsasabing, “O Diyos, pakiusap, huwag Mo akong hayaang makatagpo ng masasamang tao; matatakutin ako, noon pa man ay inosente at simple na ako. Nananalig ako sa Iyo at sumusunod sa Iyo; dapat Mo akong protektahan!” Ito ay pagiging mahina ang loob. Napakarami mo nang narinig na katotohanan, at nauunawaan mo ang napakaraming katotohanan. Hindi ka takot sa mga diyablo at kay Satanas, kaya takot ka ba sa isang masamang tao? Natatakot ba kayo sa malaking pulang dragon? (Kung mahuhuli, matatakot ako, pero maaari akong magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya.) Ibig sabihin ay hindi ka pa natakot sa kasamaan nito. Ito rin ay isang pagpapamalas na nagmumula lamang sa isang patikular na pundasyon ng pananalig. Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi mong natatakot ako sa malaking pulang dragon. Kung natatakot ako sa malaking pulang dragon, ganito ba kalayo ang mararating ko ngayon? Hindi ba’t totoo iyon? Pero kung hinihiling mo sa akin na sabihing hindi ako natatakot sa malaking pulang dragon, nakakaramdam pa rin ako ng kaunting takot na gawin ito. Paano kung marinig ito ng malaking pulang dragon?” May kaunting takot pa rin doon. Ang ganitong mga tao ay medyo natatakot na hayagang sabihin na buktot at malupit ang malaking pulang dragon; wala silang ganoong pananalig at napakaliit pa rin ng kanilang tayog. Hindi Ko hinihiling sa iyo na hayagang makipaglaban sa malaking pulang dragon o galitin ito. Ngunit sa kaibuturan ng iyong puso, kahit papaano, dapat mong malaman na tinatrato ng malaking pulang dragon, ng demonyong ito, ang mga tao nang may pang-aabuso, katiwalian, panloloko, pangyuyurak, at pagkatapos ay nilalamon sila nito. Hindi ito pang-aapi; hindi ito nangangahulugan na inaapi at pinahihirapan nito ang mga mananampalataya dahil sila ay inosente, sumusunod sa panuntunan, at masunurin sa batas. Kalokohan iyan, ito ay isang pahayag na walang espirituwal na pagkaunawa. Inaabuso ka ng malaking pulang dragon. Paano ka nito inaabuso? Ito ay nagbabanta, nananakot, umuusig, at nagpapahirap sa iyo. Ano ang layon ng pang-aabuso nito sa iyo? Upang isuko mo ang iyong pananalig, upang itatwa mo ang Diyos, talikuran ang Diyos, pagkatapos ay makipagkompromiso sa malaking pulang dragon, at sa huli, para sambahin mo ito, sundin ito, magpasailalim dito, tanggapin ang iba’t ibang kaisipan nito, at lumuhod sa pagsamba sa harap nito. Ikinagagalak ito ng malaking pulang dragon; ito ang layon nito sa pang-uusig sa iyo. Dahil nakikita nitong sinusunod mo ang Diyos at hindi ito, nagseselos ito, at hindi ka nito pakakawalan. Siyempre, kung hindi mo susundin ang Diyos, pakakawalan ka ba nito? (Hindi, inaabuso rin nito ang mga hindi nananalig sa Diyos.) Totoo iyan, sa madaling salita, ganoon nga ito; sa mas tumpak na salita, ito ang kalikasang diwa nito. Maging ang mga sumusunod dito, ang mga umaawit ng mga papuri dito, ay inaabuso pa rin, niloloko, at niyuyurakan, at pagkatapos silang gamitin, ibinabasura sila ng malaking pulang dragon, pinapatay pa nga ang ilan sa kanila para isara ang kanilang bibig, at sa huli ay tuluyan silang nilalamon. Ano’t anuman, hindi nagiging maganda ang kinahahantungan nila. Anumang mangyari, dapat na malinaw na makita ng mga tao na ang pinakalayon ng pagkokondisyon ng mga pamilya at pagkintal ng iba’t ibang kaisipan at pananaw sa mga tao ay hindi talaga para protektahan sila o akayin sila sa tamang landas. Sa halip, ito ay upang ilayo ang mga tao sa Diyos, upang mamuhay sila ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at paulit-ulit at pabalik-balik na tanggapin ng mga tao ang pagyurak ng iba’t ibang kaisipan at ang pagkokondisyon ng iba’t ibang masamang kalakaran na nagmumula sa lipunan at kay Satanas. Anuman ang mga inisyal na intensiyon o layon sa likod ng paggawa nito ng mga pamilya, sa huli, hindi nito magagabayan ang mga tao sa tamang landas o maaakay sila sa pagpasok sa katotohanang realidad at pagkamit ng kaligtasan sa huli. Samakatuwid, ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na nagmumula sa mga pamilya ay isang bagay na dapat bitiwan ng mga tao, isang bagay na dapat nilang bitiwan sa proseso at sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Buweno, dito na natin tatapusin ang ating pagbabahaginan sa araw na ito. Paalam!
Marso 4, 2023
Talababa:
a. Si Han Xin ay isang kilalang heneral ng dinastiyang Han, na minsang napilitang gumapang sa pagitan ng mga binti ng isang mataderong kumutya sa kanya dahil sa kanyang kaduwagan bago pa siya naging sikat.