Mga Salita sa Kung Paano Tinutukoy ng Diyos ang mga Kahihinatnan ng mga Tao
Sipi 77
Ang ilang tao ay masyadong mababa ang kakayahan at hindi minamahal ang katotohanan. Paano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila ito kayang maunawaan. Maraming taon na silang nananalig sa Diyos ngunit hindi pa rin nila kayang magsalita tungkol sa anumang tunay na karanasan o pagkaunawa. Dahil dito, iniisip nila na hindi sila kabilang sa mga taong paunang itinadhana at hinirang ng Diyos, at na hindi sila maliligtas ng Diyos, kahit ilan pang taon sila manalig sa Kanya. Pinaniniwalaan nila sa kanilang puso, “Tanging ang mga paunang itinadhana at hinirang ng Diyos ang maliligtas, at ang lahat ng masyadong mababa ang kakayahan at hindi kayang maunawaan ang katotohanan ay hindi kabilang sa mga paunang itinadhana at hinirang ng Diyos; hindi sila maliligtas, kahit pa manampalataya sila.” Iniisip nila na hindi pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali. Kung ganito ka mag-isip, labis mong hindi nauunawaan ang Diyos. Kung ganito talaga ang ginawa ng Diyos, magiging matuwid ba Siya? Pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao gamit ang isang prinsipyo: Sa huli, ang kalalabasan ng mga tao ay pagpapasyahan batay sa sarili nilang mga pagpapamalas at pag-uugali. Kung hindi mo makita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at palaging mali ang pagkakaunawa mo sa Diyos at binabaluktot mo ang Kanyang mga hinihiling, kung kaya’t palaging negatibo ang pananaw mo sa buhay at dismayado ka, hindi ba’t ikaw ang nagdulot niyan sa iyong sarili? Kung hindi mo nauunawaan kung paano isinasagawa ang paunang pagtatakda ng Diyos, dapat mong hanapin ang katotohanan mula sa Diyos sa Kanyang mga salita at hindi basta-basta isipin na hindi ka kabilang sa Kanyang paunang itinadhana at hinirang na mga tao. Isa itong malubhang di-pagkakaunawa sa Diyos! Sadyang hindi mo man lang alam ang gawain ng Diyos, at hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at lalo na ang maingat na pagsisikap na nasa likod ng anim na libong taon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ikaw ay sumusuko, nagpapalagay at nagdududa sa Diyos, natatakot na ikaw ay isang tagapagsilbi na ititiwalag kapag natapos mo na ang iyong paglilingkod, at palagi kang nagmumuni-muni, “Bakit dapat kong gawin ang tungkulin ko? Nagseserbisyo ba ako habang ginagawa ko ang aking tungkulin? Hindi ba ako malilinlang, kung ako ay itatapon pagkatapos kong magserbisyo?” Ano ang masasabi mo sa pag-iisip na ito? Nakikilatis mo ba ito? Palagi mong hindi nauunawaan ang Diyos, ikinakategorya mo Siya kasama ng mga diyablong hari na namumuno sa mundo, binabantayan mo ang iyong puso laban sa Kanya, at palagi mong iniisip na Siya ay kasingmakasarili at kasingkasuklam-suklam ng mga tao. Hindi ka kailanman naniniwala na mahal Niya ang sangkatauhan, at hindi ka kailanman naniniwala sa Kanyang katapatan sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kung palagi mong itinuturing ang iyong sarili bilang isang tagapagsilbi at natatakot kang maitiwalag pagkatapos mong magserbisyo, taglay mo ang mapanlinlang na pag-iisip ng mga hindi mananampalataya. Ang mga walang pananampalataya ay hindi nananalig sa Diyos dahil hindi nila inaamin na mayroong Diyos, o na ang salita ng Diyos ang katotohanan. Yamang nananalig ka sa Diyos, bakit hindi ka nananampalataya sa Kanya? Bakit hindi mo inaamin na ang salita ng Diyos ang katotohanan? Ayaw mong gawin ang iyong tungkulin, at hindi ka dumaranas ng mga paghihirap upang isagawa ang katotohanan, at dahil dito, hindi mo pa rin nakakamit ang katotohanan, sa kabila ng iyong maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, at sa kabila ng lahat ng iyon, ang Diyos ang sinisisi mo sa huli, at sinasabi mo na hindi ka Niya paunang itinadhana, na hindi Siya naging tapat sa iyo. Anong problema iyan? Hindi mo nauunawaan ang mga hinihiling ng Diyos, at hindi ka naniniwala sa Kanyang mga salita, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan ni ipinapakita ang iyong pagkamatapat habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Paano mo mapapalugod ang mga layunin ng Diyos? Paano mo makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu at mauunawaan ang katotohanan? Ang ganitong mga tao ay ni hindi karapat-dapat maging mga tagapagsilbi, kaya paano sila magiging karapat-dapat na makipag-ayos sa Diyos? Kung iniisip mo na hindi matuwid ang Diyos, bakit ka naniniwala sa Kanya? Palagi mong nais na sabihin sa iyo ng Diyos nang personal, “Ikaw ay bahagi ng mga tao ng kaharian; hindi ito magbabago kailanman” bago mo igugol ang iyong sarili para sa Kanyang sambahayan, at kung hindi Niya ito gagawin, hindi mo kailanman ibibigay sa Kanya ang iyong puso. Napakasuwail at mapagmatigas ng gayong mga tao! Nakikita Ko na napakaraming tao na hindi nagtutuon kailanman sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon, lalo na sa pagsasagawa ng katotohanan. Nagtututon lamang sila sa palaging pagtatanong kung makapagkakamit ba sila ng isang magandang hantungan, kung paano sila tatratuhin ng Diyos, kung mayroon Siyang pagtatalaga para sa kanila na maging Kanyang mga tao, at iba pang mga ganoong sabi-sabi. Paanong ang mga ganitong tao, na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, ay matatamo ang katotohanan? Paano sila mananatili sa sambahayan ng Diyos? Ngayon, taimtim Kong sinasabi sa inyo: Bagama’t ang isang tao ay maaaring paunang itinadhana, kung hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito upang makamit ang pagpapasakop sa Diyos, ang maitiwalag ang kanyang magiging pangwakas na kahihinatnan. Ang mga tao lamang na taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at isinasagawa ang katotohanan nang buong lakas, ang makakaligtas at makakapasok sa kaharian ng Diyos. Bagama’t maaaring nakikita sila ng iba bilang mga taong hindi paunang itinadhanang manatili, magkakaroon sila ng mas mabuting hantungan kaysa sa mga taong diumano’y paunang itinadhana ngunit hindi kailanman nagkaroon ng katapatan sa Diyos, dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Naniniwala ka ba sa mga salitang ito? Kung hindi mo kayang paniwalaan ang mga salitang ito at patuloy kang mapagmatigas na lumilihis sa landas, sinasabi Ko sa iyo na siguradong hindi ka makaliligtas, dahil sadyang hindi ka isang tao na may tunay na pananalig sa Diyos o pagmamahal sa katotohanan. Yamang ganito, hindi mahalaga ang paunang pagtatakda ng Diyos ng kapalaran. Sinasabi Ko ito dahil sa bandang huli, pagpapasyahan ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao ayon sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali, samantalang ang paunang pagtatakda ng Diyos ng kapalaran ay maliit na papel lamang ang talagang ginagampanan, hindi isang pangunahing papel. Nauunawaan mo ba ito?
Sinasabi ng ilang tao: “Masama ang aking disposisyon at hindi ko iyon kayang baguhin, gaano ko man iyon hangarin. Kaya hahayaan ko na lamang kung ano ang mangyayari. Kung hindi ako magtagumpay sa aking hangarin, wala akong magagawa.” Lubhang negatibo ang gayong mga tao, kaya nawalan na sila ng pag-asa sa kanilang sarili. Hindi na matutubos ang mga taong ito. Nagsikap ka na ba? Kung talagang nagsikap ka, at handa kang dumanas ng hirap, bakit hindi mo magawang maghimagsik laban sa laman? Wala ka bang puso at utak? Paano ka nagdarasal bawat araw? Hindi mo ba hahanapin ang katotohanan at aasahan ang Diyos? Para sa iyo, ang ibig sabihin ng maghintay kung ano ang mangyayari ay pasibong maghintay, hindi aktibong makipagtulungan. Ang hayaan na lamang kung ano ang mangyayari nang ganoon ay kahalintulad ng pagsasabing, “Wala akong kailangang gawin; ang lahat ay pauna naman nang itinakda ng Diyos.” Ito ba talaga ang layunin ng Diyos? Kung hindi, bakit hindi ka magpasakop sa gawain ng Diyos, at sa halip ay palagi kang nagiging negatibo at hindi mo magawang gampanan ang iyong tungkulin? Kapag nakagawa ng maliit na paglabag, ipinagpapalagay ng ilang tao na: “Ibinunyag at itiniwalag na ba ako ng Diyos? Pababagsakin ba Niya ako?” Naparito ang Diyos para gumawa sa pagkakataong ito hindi upang pabagsakin ang mga tao, kundi upang iligtas sila, sa pinakamalawak na paraang posible. Walang sinuman na walang pagkakamali—kung pababagsakin ang lahat ng tao, magiging pagliligtas ba iyon? Ang ilang paglabag ay ginagawa nang sadya, samantalang ang iba ay hindi sinasadya. Kung kaya mong magbago pagkatapos mong malaman ang mga bagay na ginagawa mo nang hindi mo sinasadya, pababagsakin ka ba ng Diyos bago mo iyon magawa? Ililigtas ba ng Diyos ang mga tao sa ganoong paraan? Hindi Siya ganoon gumawa! Mayroon ka mang masuwaying disposisyon o kumilos ka man nang hindi sinasadya, tandaan mo ito: Dapat kang magnilay-nilay at kilalanin mo ang iyong sarili. Magbago ka nang tuluyan, kaagad, at magpunyagi ka nang buong lakas mo para sa katotohanan—at, anumang sitwasyon ang dumating, huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay ang pagliligtas ng tao, at hindi Niya basta-basta pababagsakin ang mga taong nais Niyang iligtas. Tiyak ito. Kahit may isa ngang mananampalataya sa Diyos na Kanyang pinabagsak sa huli, garantisado pa rin na ang ginawang iyon ng Diyos ay matuwid. Pagdating ng panahon, ipapaalam Niya sa iyo ang dahilan kaya Niya pinabagsak ang taong iyon, para lubos kang makumbinsi. Sa ngayon, pagsikapan mo lang ang katotohanan, pagtuunan ang pagpasok sa buhay, at hangarin na tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Walang pagkakamali rito! Paano ka man pakitunguhan ng Diyos sa huli, sigurado itong matuwid; hindi ka dapat magduda rito at hindi mo kailangang mag-alala. Kahit na hindi mo nauunawaan ang pagiging matuwid ng Diyos sa ngayon, darating ang araw na ikaw ay makukumbinsi. Gumagawa ang Diyos nang makatarungan at marangal; hayagan Niyang ibinubunyag ang lahat ng bagay. Kung maingat ninyo itong pagbubulayan, taos-puso ninyong mararating ang konklusyon na ang gawain ng Diyos ay ang iligtas ang mga tao at baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Dahil ang gawain ng Diyos ay para baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, imposibleng walang mga pagbubunyag ng katiwalian ang mga tao. Sa mga pagbubunyag lamang na iyon ng tiwaling disposisyon na makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, at maaamin na mayroon siyang tiwaling disposisyon, at magiging handang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Kung walang tatanggaping anumang katotohanan ang mga tao matapos magbunyag ng tiwaling disposisyon, at patuloy silang mamumuhay ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, malamang na malalabag nila ang disposisyon ng Diyos. Magsasagawa ng iba’t ibang antas ng paniningil ang Diyos sa kanila, at pagbabayaran nila ang kanilang mga pagkakasala. Kung paminsan-minsan ay nagiging talipandas ka nang hindi mo namamalayan, at tinutukoy iyon sa iyo ng Diyos at pinupungusan ka, at nagbabago ka at nagpapakabuti, hindi ito panghahawakan ng Diyos laban sa iyo. Ito ang normal na proseso ng pagbabago ng disposisyon, at ang tunay na kabuluhan ng gawain ng pagliligtas ay ipinapakita sa prosesong ito. Ito ang susi. Bilang halimbawa, sa isyu ng mga hangganan sa pagitan ng mga kasarian, sabihin nating naaakit ka sa isang tao, palaging naghahanap ng pagkakataon upang makipag-usap sa kanya, nagsasabi ng mga mapang-akit na salita sa kanya. Kalaunan, pag-iisipan mo, “Hindi ba’t ito ay nakapandidiring pag-uugali? Hindi ba’t isa itong kasalanan? Hindi ba’t isa itong pang-iinsulto sa Diyos, ang hindi panatilihing malinaw ang hangganan sa pagitan ng mga kasarian? Paano ko nagawa ang ganitong bagay?” Matapos mo itong mapagtanto, magmamadali kang humarap sa Diyos at mananalangin, “Oh, Diyos! Ako ay nagkasalang muli. Ito ay pangit at tunay na kahiya-hiya. Kinamumuhian ko ang tiwaling laman. Nawa’y disiplinahin Mo ako at parusahan.” Magpapasya ka na lumayo sa ganoong mga bagay sa hinaharap, at hindi na makipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian nang mag-isa. Hindi’t ba iyon ay magiging pagbabago? At matapos mong magbago nang ganoon, ang iyong mga nakaraang kawalang-ingat ay hindi na ikokondena. Kung makikipag-usap ka sa isang tao at aakitin mo siya, at hindi mo iisipin na ito ay isang kahiya-hiyang bagay, lalo pa’t kung hindi mo kamumuhian ang iyong sarili, paalalahanan ang iyong sarili, pagpapasyahan na maghimagsik laban sa laman, o aaminin at pagsisisihan ang iyong mga kasalanan sa Diyos, maaari kang magpatuloy na gumawa ng higit pang mga maling gawa, at lalala nang lalala ang mga bagay, na hahantong sa iyo na magkasala. Kung gagawin mo ito, ikokondena ka ng Diyos. Kung paulit-ulit kang magkakasala, iyon ay sadyang pagkakasala. Kinokondena ng Diyos ang sadyang pagkakasala, at ang sadyang pagkakasala ay hindi na matutubos. Kung talagang naghahayag ka ng isang tiwaling disposisyon nang hindi mo sinasadya, at kung kaya mong tunay na magsisi, maghimagsik laban sa laman, at magsagawa ng katotohanan, hindi ka ikokondena ng Diyos dahil dito, at maaari ka pa ring maligtas. Ang gawain ng Diyos ay naglalayong iligtas ang tao, at dapat tanggapin ng isang taong naghahayag ng kanyang tiwaling disposisyon na siya ay pupungusan, hahatulan, at kakastiguhin. Hangga’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, magsisi, at magbago, hindi ba’t natugunan na nito ang mga layunin ng Diyos? Ang ilang tao ay hindi tumatanggap sa katotohanan at palaging may mapag-ingat na saloobin sa Diyos. Ang gayong mga tao ay walang pagpasok sa buhay, at sa huli, lahat sila ay mawawalan.
Tulad ng unang nabanggit, maaaring linisin sa isang pasada ang mga kaganapan sa nakaraan; maaaring halinhan ng hinaharap ang nakaraan; ang pagpaparaya ng Diyos ay walang-hangganan na tulad ng dagat. Subalit mayroon ding mga prinsipyo sa mga salitang ito. Hindi naman talaga lilinisin ng Diyos ang anumang kasalanang nagawa mo, gaano man iyon kalaki. Ginagawa ng Diyos ang lahat ng Kanyang gawain nang may mga prinsipyo. Noong araw, nagtakda ng isang atas administratibo na lumulutas sa isyung ito: pinatatawad at pinagpapasensyahan ng Diyos ang lahat ng kasalanang nagagawa ng isang tao bago tanggapin ang Kanyang pangalan. Pero iba ang kaso para sa mga patuloy na nagkakasala matapos manalig sa Kanya: Ang taong isang beses na inulit ang isang pagkakasala ay binibigyan ng pagkakataong magsisi, samantalang ang mga taong inuulit ito nang dalawang beses o tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na pagsaway ay itinitiwalag, nang wala nang pagkakataon pang magsisi. Laging nagpaparaya ang Diyos sa mga tao hangga’t maaari sa Kanyang gawain. Dito, makikita na ang gawain ng Diyos ay talagang ang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Gayunman, kung, sa huling bahaging ito ng gawain, gagawa ka pa rin ng mga pagkakasalang hindi maaaring mapatawad, hindi ka talaga matutubos, at hindi ka maliligtas. May proseso ang Diyos sa pagdadalisay at pagbabago ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao: Sa proseso ng palaging pagbubunyag ng tao ng kanyang tiwaling kalikasan na nakakamit ng Diyos ang Kanyang layunin na linisin at iligtas ang sangkatauhan. Iniisip ng ilang tao: “Yamang ito ang aking kalikasan, hayaan nang malantad ang lahat ng ito. Kapag nalantad na ito, malalaman ko iyon at isasagawa ko ang katotohanan.” Kailangan ba ang prosesong ito? Kung ikaw ay tunay na isang taong nagsasagawa ng katotohanan, at nagninilay-nilay ka sa iyong sarili kapag nakikita mo kung aling mga katiwalian ang nahahayag sa iba at kung anong mga maling bagay ang kanilang ginawa, at kapag nakita mo ang parehong mga problema sa iyong sarili, agad mong itinatama at hindi na kailanman ginagawa ang mga iyon sa hinaharap, hindi ba’t ito ay hindi direktang pagbabago? O kung minsan ay nais mong gawin ang isang bagay ngunit napagtanto mo muna na ito ay mali, at kaya mong maghimagsik laban sa laman, hindi ba’t nakakamit din nito ang epekto ng pagdadalisay? Ang pagsasagawa ng katotohanan sa anumang aspeto ay kailangan ng pagdaan sa paulit-ulit na mga proseso. Hindi tuluyang mawawala ang isang tiwaling disposisyon pagkatapos isagawa ang katotohanan nang isang beses. Ang isang tao ay kailangang paulit-ulit na hanapin ang katotohanan, paulit-ulit na pungusan, ituwid at disiplinahin, at pati na rin hatulan at kastiguhin, bago lubusang malulutas ang kanyang tiwaling disposisyon, upang siya ay hindi na ulit mahirapang isagawa ang katotohanan. Kung sa huli ay kayang isagawa ng isang tao ang katotohanan nang ganap na ayon sa mga layunin ng Diyos, at mayroon siyang tunay na pagpapasakop sa Diyos pagkatapos siyang pungusan, hatulan at kastiguhin, iyon ay isang pagbabago sa kanyang disposisyon.
Sipi 78
Sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, pinagpapasyahan Niya ang mga kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng “mga pagpapamalas” dito? Maaaring isipin ninyo na ang mga pagpapamalas ay tumutukoy sa mga tiwaling disposisyon na inihahayag ng mga tao habang gumagawa sila ng mga bagay-bagay, subalit hindi talaga iyon ang kahulugan nito. Ang mga pagpapamalas dito ay tumutukoy sa kung naisasagawa mo ba o hindi ang katotohanan; kung nagagawa mo ba o hindi na maging matapat habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin; ang iyong perspektiba sa paniniwala sa Diyos, ang iyong saloobin tungkol sa Diyos, ang iyong kapasyahang dumanas ng mga paghihirap; ang iyong saloobin sa pagtanggap ng paghatol, pagkastigo, at sa pagpupungos; ang bilang ng malulubhang paglabag na iyong nagawa; at ang lawak kung hanggan saan mo makakamit ang pagsisisi at pagbabago sa huli. Ang lahat ng ito, kapag pinagsama-sama, ang bumubuo sa iyong mga pagpapamalas. Ang mga pagpapamalas dito ay hindi tumutukoy sa kung gaano karaming tiwaling disposisyon ang naihayag mo o kung gaano karaming masasamang bagay ang nagawa mo, kundi sa kung gaano karaming resulta ang nakamit mo at kung gaano kalaki ang tunay na pagbabagong napagdaanan mo sa pananalig mo sa Diyos. Kung ang mga kahihinatnan ng mga tao ay pinagpapasyahan batay sa kung gaano karaming katiwalian ang naihayag ng kanilang kalikasan, walang sinuman ang makakapagkamit ng kaligtasan, sapagkat ang lahat ng tao ay labis na tiwali, lahat sila ay may satanikong kalikasan, at lahat sila ay lumalaban sa Diyos. Nais ng Diyos na iligtas ang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan at magpasakop sa Kanyang gawain. Gaano man karaming katiwalian ang kanilang inihahayag, hangga’t kaya nilang tanggapin sa huli ang katotohanan, kamtin ang tunay na pagsisisi, at sumailalim sa tunay na pagbabago, sila ay mga taong iniligtas ng Diyos. Ang ilang tao ay hindi ito lubos na makita at iniisip nilang ang sinumang nagsisilbing lider ay maghahayag ng higit pang mga tiwaling disposisyon, at ang sinumang maghayag ng higit pang katiwalian ay tiyak na ititiwalag at hindi makakaligtas. Tama ba ang pananaw na ito? Bagama’t ang mga lider ay naghahayag ng higit pang katiwalian, kung sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan, karapat-dapat silang makaranas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, matatahak nila ang landas ng pagliligtas at pagpeperpekto, at sa huli ay makapagbibigay sila ng magandang patotoo para sa Diyos. Ito ang mga taong tunay na nagbago. Kung ang mga kahihinatnan ng mga tao ay pinagpapasyahan batay sa kung gaano karami ang nahayag sa kanilang tiwaling disposisyon, habang mas matagal silang nagsisilbing mga lider at manggagawa, mas mabilis silang mabubunyag. Kung ganito nga, sino ang mangangahas na maging lider o manggagawa? Sino ang aabot sa punto ng pagiging ginamit at ginawang perpekto ng Diyos? Hindi ba’t ang pananaw na ito ay labis na katawa-tawa? Pangunahing tinitingnan ng Diyos kung matatanggap at maisasagawa ng mga tao ang katotohanan, kung mapaninindigan nila ang kanilang patotoo, at kung sila ay tunay nang nagbago. Kung ang mga tao ay may tunay na patotoo at sumailalim na sa tunay na pagbabago, sila ay mga tao na sinasang-ayunan ng Diyos. May ilang tao na tila naghahayag ng kaunting katiwalian sa panlabas, ngunit wala silang tunay na patotoong batay sa karanasan, hindi pa sila tunay na nagbago, at hindi sila sinasang-ayunan ng Diyos.
Pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao batay sa mga pagpapamalas at diwa nito. Dito, ang mga pagpapamalas ay tumutukoy sa kung ang isang tao ay tapat sa Diyos, kung siya ay may pagmamahal para sa Diyos, kung siya ay nagsasagawa ng katotohanan, at kung gaano kalaki na nagbago ang kanyang disposisyon. Pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao batay sa mga pagmamalas na ito at sa diwa ng taong ito, hindi sa kung gaano nito inihahayag ang tiwaling disposisyon nito. Kung iniisip mo na pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao batay sa kung gaano kalaking katiwalian ang ibinubunyag nito, mali ang pakahulugan mo sa mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, magkakapareho lang ang tiwaling diwa na taglay ng mga tao, mayroon lamang pagkakaiba sa kung sila ay may mabuti o masamang pagkatao, at sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan o hindi. Gaano man inihahayag ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon, higit na alam ng Diyos kung ano ang nasa kaibuturan ng kanyang puso; hindi mo ito kailangang itago. Pinagmamasdan ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Ito man ay isang bagay na ginagawa mo sa harap o sa likod ng iba, o na nais mong gawin sa puso mo, ang lahat ng ito ay nakalantad sa harap ng Diyos. Paanong hindi namamalayan ng Diyos ang mga ginagawa ng mga tao nang patago? Hindi ba’t ito ay panlilinlang sa sarili? Ang totoo, gaano man kamapanlinlang ang kalikasan ng isang tao, gaano man karaming kasinungalingan ang sabihin ng isang tao, gaano man siya kahusay sa pagbabalatkayo at panlilinlang, alam ng Diyos ang lahat ng ito tulad ng likod ng Kanyang kamay. Kilalang-kilala ng Diyos ang mga lider at manggagawa, kaya hindi ba’t kilang-kilala rin Niya ang Kanyang mga ordinaryong tagasunod? Iniisip ng ilang tao, “Ang sinumang namumuno ay hangal at mangmang at nagdudulot ng sarili nilang kapahamakan, sapagkat ang pagganap bilang isang lider ay hindi maiiwasang magdulot sa mga taong maghayag ng katiwalian upang makita ng Diyos. Nahahayag ba ang labis na katiwalian kung hindi nila ginawa ang gawaing ito?” Napakakatawa-tawang ideya! Kung hindi ka kikilos bilang isang lider, hindi ka ba maghahayag ng katiwalian? Ang hindi pagiging lider, kahit na nagpapakita ka ng mas kaunting katiwalian, ay nangangahulugan ba na nakamit mo na ang kaligtasan? Ayon sa argumentong ito, ang lahat ba ng mga hindi naglilingkod bilang mga lider ang siyang makakaligtas at maliligtas? Hindi ba’t ang pahayag na ito ay lubos na katawa-tawa? Ang mga taong naglilingkod bilang mga lider ay gumagabay sa mga hinirang ng Diyos upang kainin at inumin ang salita ng Diyos at upang maranasan ang gawain ng Diyos. Mataas ang hinihinging ito at pamantayang ito, kaya hindi maiiwasan na ang mga lider ay maghahayag ng ilang tiwaling kalagayan kapag nagsisimula pa lang silang magsanay. Ito ay normal, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Hindi lamang na hindi ito kinokondena ng Diyos, kundi binibigyang-liwanag, tinatanglawan, at ginagabayan rin Niya ang mga taong ito, at binibigyan sila ng dagdag na pasanin. Hangga’t kaya nilang magpasakop sa patnubay at gawain ng Diyos, mas mabilis silang uunlad sa buhay kaysa sa mga ordinaryong tao. Kung sila ay mga taong naghahangad ng katotohanan, matatahak nila ang landas ng pagpeperpekto ng Diyos. Ito ang bagay na pinakapinagpala ng Diyos. Hindi ito nakikita ng ilang tao, at binabaluktot nila ang mga katotohanan. Ayon sa pagkaunawa ng tao, gaano man magbago ang isang lider, walang pakialam ang Diyos; titingnan lamang Niya kung gaano kalaking katiwalian ang inihahayag ng mga lider at manggagawa, at kokondenahin Niya sila batay lamang dito. At para sa mga hindi lider at manggagawa, dahil kaunting katiwalian lamang ang inihahayag nila, kahit hindi sila magbago, hindi sila kokondenahin ng Diyos. Hindi ba’t ito ay katawa-tawa? Hindi ba’t ito ay kalapastangan sa Diyos? Kung napakalubha mong nilalabanan ang Diyos sa puso mo, maliligtas ka ba? Hindi ka maliligtas. Pangunahing pinagpapasyahan ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao batay sa kung taglay nila ang katotohanan at mayroon silang tunay na patotoo, at ito ay pangunahing nakasalalay sa kung sila ay mga taong naghahangad ng katotohanan. Kung hinahangad nga nila ang katotohanan, at tunay silang makapagsisisi pagkatapos silang hatulan at kastiguhin dahil sa paggawa ng paglabag, hangga’t hindi sila nagsasabi ng mga salita o gumagawa ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos, tiyak na makapagkakamit sila ng kaligtasan. Ayon sa inyong mga guni-guni, ang lahat ng ordinaryong nananalig na sumusunod sa Diyos hanggang sa wakas ay makapagkakamit ng kaligtasan, at ang mga nagsisilbing lider ay dapat itiwalag lahat. Kung kayo ay hihilingin na maging lider, iisipin ninyo na hindi magiging mabuti na hindi gawin ito, ngunit kung kayo ay magsisilbing lider, hindi sinasadyang maghahayag kayo ng katiwalian, at iyon ay magiging katulad lang ng pagpapadala ng inyong sarili sa gilotina. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dulot ng inyong mga maling pagkaunawa sa Diyos? Kung ang mga kahihinatnan ng mga tao ay pinagpapasyahan batay sa katiwalian na kanilang inihahayag, walang sinuman ang maliligtas. Kung ganoon nga, ano ang magiging silbi ng paggawa ng Diyos sa gawain ng pagliligtas? Kung ganito nga talaga, nasaan ang pagiging matuwid ng Diyos? Hindi makikita ng sangkatauhan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Samakatuwid, lahat kayo ay mali ang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, na nagpapakita na kayo ay walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.
Pinagpapasyahan ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas, at ang mga pagpapamalas dito ay tumutukoy sa mga resulta ng gawain ng Diyos sa kanila. Bibigyan kita ng isang mapaghahambingan: Sa isang halamanan, ang may-ari ay nagdidilig at nagpapataba ng kanyang mga puno, at pagkatapos ay naghihintay na tipunin ang mga bunga ng mga ito. Ang mga punong namumunga ay mabubuting puno at ang mga ito ay pananatilihin; ang mga hindi ay tiyak na hindi mabubuting puno at hindi maaaring panatilihin. Pag-isipan ninyo ang sitwasyong ito: Ang isang puno ay namumunga, ngunit ito ay nagkakaroon din ng sakit, at ang ilang hindi magagandang sanga nito ay kailangang putulin. Sa tingin ba ninyo ay dapat panatilihin ang punong ito? Dapat itong panatilihin, at ito ay magiging maayos pagkatapos itong tabasan at gamutin. Pag-isipan ninyo ang isa pang sitwasyon: Ang isang puno ay walang sakit, ngunit hindi ito namumunga—ang gayong puno ay hindi dapat panatilihin. Ano ang ibig sabihin ng “namumunga” rito? Ito ay tumutukoy sa pagkakamit ng gawain ng Diyos ng mga resulta. Dahil nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga tao, hindi maiiwasan na ihayag nila ang kanilang katiwalian habang nararanasan ang gawain ng Diyos, at hindi maiiwasang gagawa sila ng ilang paglabag. Gayunman, kasabay nito, may ilang resultang nakakamit ang gawain ng Diyos sa kanila. Kung walang pakialam ang Diyos sa mga resultang ito, at tiningnan lamang Niya ang mga tiwaling disposisyon na inihayag ng mga tao, hindi maliligtas ang mga tao. Ang mga resulta ng pagliligtas ay pangunahing naipamamalas sa paggampan ng mga tao sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang pagsasagawa ng katotohanan. Tinitingnan ng Diyos ang mga resultang natamo ng mga tao sa mga larangang ito, at saka kung gaano katindi ang kanilang mga paglabag. Pagkatapos, pinagpapasyahan Niya ang kanilang mga kahihinatnan, at kung mananatili ba sila o hindi batay sa kombinasyon ng mga bagay na ito. Halimbawa, noong araw ay maraming katiwaliang inihayag ang ilang tao at labis nilang isinaalang-alang ang kanilang laman; ayaw nilang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at hindi rin nila itinaguyod ang mga interes ng iglesia. Gayunman, matapos makinig sa mga sermon nang ilang taon, sumailalim sila sa tunay na pagbabago. Alam na nila ngayong pagsikapan ang mga katotohanang prinsipyo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at parami nang parami ang mga resultang nakakamit nila sa kanilang mga tungkulin. Nagagawa rin nilang panigan ang Diyos sa lahat ng bagay, at gawin ang lahat para itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao, at ito ang pagbabagong gusto ng Diyos. Bukod pa roon, may ilang tao na, kapag nagkakaroon ng mga haka-haka noon, ay palaging ikinakalat ang mga ito, at nasisiyahan lang ang kanilang puso kapag nabuo na ang mga haka-hakang ito sa ibang mga tao, ngunit kapag mayroon sila ngayong ilang haka-haka, nagagawa nilang magdasal sa Diyos, hanapin ang katotohanan, at maging mapagpasakop nang hindi ipinagkakalat ang kanilang mga haka-haka o gumagawa ng anumang lumalaban sa Diyos. Hindi ba’t may nangyari nang pagbabago sa kanila? Ang ilang tao ay nagiging mapanlaban agad sa tuwing pinupungusan sila ninuman noon; gayunman, kapag nangyayari iyan sa kanila ngayon, nagagawa nilang tanggapin iyon at kilalanin ang kanilang sarili. Pagkatapos, sumasailalim sila sa kaunting tunay na pagbabago. Hindi ba’t isa itong resulta? Gayunman, gaano man kalaki ang iyong pagbabago, hindi maaaring ganap na wala kang maging mga paglabag, at hindi ganap na magbabago ang iyong kalikasan sa isang iglap lamang. Kung may nagsimulang tumahak sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos, at nakakaalam kung paano hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, kahit magpakita sila ng kaunting paghihimagsik, mapagtatanto nila ito sa oras na iyon. Pagkatapos nila itong mapagtanto, magmamadali silang umamin at magsisi sa Diyos, at magbago, at ang kanilang kalagayan ay bubuti lamang nang bubuti. Maaaring magawa nila ang parehong paglabag nang isa o dalawang beses, ngunit hindi nang ikatlo o ikaapat na beses. Ito ay pagbabago. Hindi sa nagbago na ang taong ito sa isang aspeto, kaya’t hindi na siya naghahayag ng katiwalian, at hindi na siya gumagawa ng anumang paglabag. Hindi ito ganoon. Ang ganitong uri ng pagbabago ay nangangahulugan na nagagawa ng isang tao na mas magsagawa ng katotohanan matapos maranasan ang gawain ng Diyos, at naisasagawa niya ang ilan sa mga hinihingi ng Diyos. Unti-unting mababawasan ang nagagawang mga paglabag ng gayong tao, mababawasan nang mababawasan ang inihahayag niyang katiwalian, at mababawasan nang mababawasan ang tindi ng kanyang mga paghihimagsik. Mula rito ay malinaw na nagkamit na ng mga resulta ang gawain ng Diyos; ang nais Niya ay ang ganitong mga uri ng pagpapamalas sa mga tao, na nagpapakita na nakamit na ang mga resulta sa kanila. Samakatuwid, ang paraan ng pangangasiwa ng Diyos sa mga kahihinatnan ng mga tao o kung paano Niya tinatrato ang bawat tao ay ganap na matuwid, makatwiran, at makatarungan. Kailangan mo lamang ilagay ang lahat ng iyong pagsisikap sa paggugol ng iyong sarili para sa Diyos, at buong tapang at may katiyakang isagawa ang mga katotohanang dapat mong isagawa, nang walang pag-aalala, at hindi ka tatratuhin ng Diyos nang hindi patas. Pag-isipan mo ito: Maaari bang parusahan ng Diyos ang mga nagmamahal sa katotohanan at nagsasagawa nito? Maraming taong laging naghihinala sa matuwid na disposisyon ng Diyos, takot na parurusahan pa rin sila kahit pagkatapos nilang isagawa ang katotohanan; takot na kahit magpakita sila ng katapatan sa Diyos ay hindi Niya iyon makikita. Ang gayong mga tao ay walang kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos.
Nagiging negatibo ang ilang tao matapos mapungusan; ganap silang nawawalan ng lakas para gampanan ang kanilang mga tungkulin, at naglalaho rin ang kanilang katapatan. Bakit ganito? Napakalubha ng problemang ito; kawalan ito ng kakayahang tanggapin ang katotohanan. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan, isang dahilan nito ay ang kawalan nila ng kaalaman tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon, na humahantong sa kawalan nila ng kakayahang tumanggap ng pagpupungos. Ito ay tinutukoy ng kanilang kalikasan na mayabang at na may labis na pagtingin sa sarili, at na walang pagmamahal sa katotohanan. Ang isa pang dahilan ay hindi nauunawaan ng mga tao ang kabuluhan ng pagpupungos. Naniniwala sila na nangangahulugan ang pagpupungos na natukoy na ang kanilang kalalabasan. Dahil dito, mali nilang pinaniniwalaan na kung tatalikdan nila ang kanilang mga pamilya upang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at mayroon silang kaunting katapatan sa Diyos, hindi sila dapat pungusan; kung pinungusan sila, hindi ito pag-ibig at pagiging matuwid ng Diyos. Ang ganoong uri ng maling pagkaunawa ay nagsasanhi na hindi mangahas ang maraming tao na maging tapat sa Diyos. Sa katunayan, kapag tapos na ang lahat, iyon ay dahil masyado silang mapanlinlang at ayaw nilang dumanas ng hirap. Gusto lang nilang magtamo ng mga pagpapala sa madaling paraan. Hindi man lang nauunawaan ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi sila kailanman naniniwala na ang lahat ng pagkilos ng Diyos ay matuwid, o na ang Kanyang pakikitungo sa lahat ay matuwid. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan sa bagay na ito, kundi sa halip ay palagi silang gumagawa ng kanilang mga sariling argumento. Anumang masasamang bagay ang nagawa ng isang tao, anumang malalaking kasalanan ang kanyang nagawa, o gaano man karami ang kanyang nagawang kasamaan, hangga’t ang paghatol at kaparusahan ng Diyos ay sumasapit sa kanya, iisipin niya na ang Langit ay hindi patas, at na ang Diyos ay hindi matuwid. Sa mga mata ng tao, kung ang mga pagkilos ng Diyos ay hindi umaayon sa kanilang mga ninanasa, o kung ang Kanyang mga pagkilos ay hindi isinasaalang-alang ang kanilang mga damdamin, malamang ay hindi matuwid ang Diyos. Subalit, hindi alam ng mga tao kailanman kung ang kanilang mga kilos ba ay umaayon sa katotohanan, ni natatanto nila kailanman na naghihimagsik sila laban sa Diyos at na nilalabanan nila ang Diyos sa lahat ng pagkilos nila. Kung paano man lumabag ang mga tao ay hindi sila kailanman pinungusan ng Diyos o sinaway dahil sa kanilang paghihimagsik, bagkus ay naging kalmado at mahinahon Siya sa kanila, tinrato lamang sila nang may pagmamahal at pasensya, at hinayaan Niya silang kumain at magpakasaya kasama Niya magpakailanman, hindi kailanman magrereklamo ang mga tao tungkol sa Diyos o huhusgahan Siyang hindi matuwid; sa halip, paimbabaw nilang sasabihin na labis Siyang matuwid. Kilala ba ng mga gayong tao ang Diyos? Kaya ba nilang maging kaisa ng Diyos sa puso at isipan? Wala silang kaalam-alam na kapag hinahatulan at pinupungusan ng Diyos ang mga tao, nais Niyang dalisayin at baguhin ang mga disposisyon nila sa buhay upang magawa nilang magtagumpay sa pagpapasakop sa Kanya at pagmamahal sa Kanya. Ang gayong mga tao ay hindi naniniwalang ang Diyos ay isang matuwid na Diyos. Hangga’t sinasaway, inilalantad, at pinupungusan ng Diyos ang mga tao, sila ay magiging negatibo at mahina, palaging nagrereklamo na ang Diyos ay hindi mapagmahal, at palaging bumubulong-bulong na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos sa tao ay mali, hindi nakikita na ito ay pagdadalisay at pagliligtas ng Diyos sa tao, at hindi naniniwala na pinagpapasyahan ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao batay sa kanilang pagpapakita ng pagsisisi. Palagi silang nagdududa sa Diyos at nagbabantay laban sa Kanya, at ano ang magiging resulta nito? Makapagpapasakop kaya sila sa gawain ng Diyos? Makakamit kaya nila ang tunay na pagbabago? Ito ay imposible. Kung magpapatuloy ang ganito nilang kalagayan, ito ay lubhang mapanganib, at magiging imposible para sa kanila na madalisay at magawang perpekto ng Diyos.