3. Maraming tao sa Judaismo at Kristiyanismo na naniniwala rin sa totoong Diyos ang sumasamba sa Diyos sa mga templo at simbahan, at na mukhang napakarelihiyosong lahat. Bagaman ang ilan ay hindi tumatanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, wala silang nagawang anuman na malinaw na sumasalungat o tumutuligsa sa Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang mga taong tulad nila?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Sapagka’t sinabi ng Diyos, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, ang manungayaw sa ama at sa ina, ay dapat mamatay. Datapuwa’t sinasabi ninyo, Sinumang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Diyos: Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Diyos dahil sa inyong sali’t-saling sabi. Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi, Ang bayang ito’y iginagalang Ako ng kanilang mga labi; Datapuwa’t ang kanilang puso ay malayo sa Akin. Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa Akin, na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao” (Mateo 15:4–9).
“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:21–23).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang hatulan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang asal ay mabuti, habang buktot yaong ang asal ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang buktot na tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa upang magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang mga tao na gumamit ng maiinam na salita upang magkamit ng mabuting hantungan. Maling naniniwala ang lahat na natutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao pagkaraang mamasdan ang kanilang pag-uugali o pagkaraang makinig sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais samantalahin ito upang linlangin ang Diyos na gawaran sila ng isang panandaliang pagtatangi. Sa hinaharap, ang mga taong makaliligtas sa isang kalagayan ng pamamahinga ay napagtiisan na ang lahat ng araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na rin para sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tinupad na ang kanilang mga tungkulin at kusa nang nagpasakop sa Diyos. Yaong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na gawin ang paglilingkod na kasama ang balak na iwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pahihintulutang manatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pag-aayos ng mga kalalabasan ng bawat tao; hindi Siya basta gumagawa ng mga kapasiyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, o gumagawa Siya ng mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang tagal ng panahon. Lubos na hindi siya magiging maluwag hinggil sa buktot na asal ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, o hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil sa minsanang gugulin para sa Diyos. Walang sinuman ang makaiiwas sa paghihiganti para sa kanilang kabuktutan, at walang sinuman ang mapagtatakpan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay makaiiwas sa mga paghihirap ng pagkawasak. Kung totoong matutupad ng mga tao ang sarili nilang tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang matapat sila sa Diyos at hindi hinahangad ang mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga biyaya o nagdurusa sa kasawian. Kung matapat sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang mga biyaya, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi nila nakikita ang anumang mga biyaya, at kung, sa huli, ay hindi pa rin nila nagagawang magpatotoo para sa Diyos o tuparin ang mga tungkuling kasalukuyang hawak nila, magiging mga pakay pa rin sila ng pagkawasak kahit pa dati na silang nakapagbigay ng matapat na paglilingkod sa Diyos. Sa madaling salita, hindi maaaring makaligtas hanggang sa kawalang-hanggan ang mga taong buktot, o makapapasok sa pamamahinga; tanging ang mga matuwid ang mga panginoon ng pamamahinga.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga salita ng Diyos ngayon: Maging ikaw man ay naghahangad ng pagpasok sa buhay o ng katuparan ng kalooban ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon. Kung ang iyong pakikipagniig at hinahangad ay hindi nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon, isa kang estranghero sa mga salita ng Diyos, at ganap na nawalan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, ayaw ito ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinunod din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, na sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila pupurihin. Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi pupurihin ng Diyos. Ang paglilingkod na hiwalay sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na akma sa kalooban ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundin ang gawain ng Banal na Espiritu ang kalooban ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na kaayon ng Kanyang sariling puso; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga kuru-kuro at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundin ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga kuru-kuro. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakaantala at nakakagambala, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang sumunod at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagpapahayag ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kakayahan na matanggap ang papuri ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga kuru-kuro at pagsuway ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan. Ang mga taong inaalis ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundin ang pinakabagong gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakabagong gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang imahe ng Diyos ay hindi kagaya ng sa kanilang mga kuru-kuro—bilang resulta nito, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinahatulan ang Diyos, na humahantong na sila ay kasuklaman at tanggihan ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman tungkol sa pinakabagong gawain ng Diyos ay hindi madaling bagay, ngunit kung gusto ng mga tao na sumunod sa gawain ng Diyos at hangarin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na kamtin ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, kung matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakabagong gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, nakasalalay ito sa kanilang paghahangad, at nakasalalay ito sa kanilang mga layunin.
Lahat ng kayang sumunod sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano man sila dati, o kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila dati—yaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at yaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan ay inaalis.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga kinakailangan sa tao. Lahat niyaong nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at yaong mga wala sa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung yaong mga nasa loob ng agos na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na kinakailangan ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. Yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ay mamumuhay sa loob ng agos ng Banal na Espiritu, at tatanggapin nila ang pangangalaga at pag-iingat ng Banal na Espiritu. Yaong mga handang isagawa ang katotohanan ay nililiwanagan ng Banal na Espiritu, at yaong mga hindi handa na isagawa ang katotohanan ay dinidisiplina ng Banal na Espiritu, at maaari pang maparusahan. Hindi alintana kung anong uri ng tao sila, basta’t sila ay nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu, pananagutan ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa bagong gawain Niya para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Ang mga lumuluwalhati sa Kanyang pangalan at handang isagawa ang mga salita Niya ay makakatanggap ng Kanyang mga pagpapala; ang mga hindi sumusunod sa Kanya at hindi nagsasagawa ng Kanyang mga salita ay makakatanggap ng Kanyang kaparusahan. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay ang mga tumatanggap sa bagong gawain, at yamang natanggap na nila ang bagong gawain, sila ay nararapat na angkop na makipagtulungan sa Diyos, at hindi dapat kumilos na parang mga suwail na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang tanging kinakailangan ng Diyos sa tao. Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at paninisi ng Banal na Espiritu ay hindi para sa kanila. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang mga isipan, at ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa doktrinang bunga ng paghihimay at pananaliksik ng kanilang sariling mga utak. Hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay tila samyo-ng-relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay tila sagana sa relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang kaalaman sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, walang kaalaman sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang kaalaman sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang tao, at sila ay mga hamak na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay nakasusuklam, nakakaawa, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa niyaong mga wala sa agos ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina ng Banal na Espiritu, at, higit sa lahat, walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay kinamuhian at natanggihan na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na makasalanan dahil sila ay lumalakad sa laman at ginagawa kung ano ang kanilang nais sa ilalim ng karatula ng Diyos. Habang gumagawa ang Diyos, sila ay sadyang palaban sa Kanya, at tumatakbo sa kasalungat na patutunguhan sa Kanya. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tinatanggap nila ang nararapat na kaparusahan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Anong katawagan ang ibinibigay ng Diyos sa relihiyon ng mga naniwala kay Jehova? Judaismo. Naging isang uri sila ng grupong pangrelihiyon. At paano naman tinatawag ng Diyos ang relihiyon ng mga naniniwala kay Jesus? (Kristiyanismo.) Sa paningin ng Diyos, kumakatawan ang Judaismo at Kristiyanismo sa mga grupong pangrelihiyon. Bakit ganoon itinuturing ng Diyos ang mga ito? Sa lahat ng kasapi ng mga samahang pangrelihiyong ito na tinutukoy ng Diyos, mayroon bang kahit sino na natatakot sa Kanya at nilalayuan ang kasamaan, ginagawa ang kalooban Niya, at sumusunod sa daan Niya? (Wala.) Ito ang nagbibigay-linaw. Sa mga mata ng Diyos, lahat ba ng sumusunod sa Kanya sa pangalan lamang ay maaaring ang mga taong kinikilala Niya bilang mga mananampalataya? May kaugnayan ba silang lahat sa Diyos? Maaari kayang lahat sila’y layon ng Kanyang pagliligtas? (Hindi.) Kaya, darating ba ang araw na kayo ay ibababa sa itinuturing ng Diyos na grupong pangrelihiyon? (Posible.) Ang maibaba sa isang grupong pangrelihiyon—parang mahirap paniwalaan. Kung mapabilang ang mga tao sa isang grupong pangrelihiyon sa paningin ng Diyos, ililigtas ba Niya sila? Kasama ba sila sa sambahayan Niya? (Hindi.) Kaya, subukan nating ibuod: Ang mga taong ito na naniniwala lamang sa tunay na Diyos sa pangalan ngunit pinaniniwalaan Niya na kabilang sa isang grupong pangrelihiyon—anong landas ang nilalakaran nila? Masasabi kaya na ang ganitong mga tao ay lumalakad sa landas ng pagwawagayway sa bandila ng pananampalataya nang hindi kailanman sinusundan ang daan ng Diyos, at nananalig sa Kanya ngunit hindi sumasamba sa Kanya kailanman, at sa halip ay tinatalikuran Siya? Ibig sabihin, lumalakad sila sa landas ng paniniwala sa Diyos ngunit tinatalikuran Siya at hindi sumusunod sa landas ng Diyos; ang kanilang landas ay isa kung saan naniniwala sila sa Diyos ngunit sumasamba kay Satanas, sinasamba nila ang diyablo, sinisikap nilang isagawa ang sarili nilang pamamahala, at sinusubukang magtatag ng sarili nilang kaharian. Hindi ba’t ito ang diwa nito? Ang mga tao bang tulad nito ay may anumang kaugnayan sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan? (Wala.) Gaano man karaming tao ang naniniwala sa Diyos, sa sandaling ang paniniwala nila’y itinuring ng Diyos na kabilang sa isang relihiyon o grupo, natukoy na Niya na hindi sila maliligtas. Bakit Ko sinasabi ito? Sa isang pangkat o grupo ng mga taong walang gawain at paggabay ng Diyos, at na hindi sumasamba sa Kanya ni bahagya, sinong sinasamba nila? Sino ang sinusunod nila? Sa anyo at sa pangalan, sinusunod nila ang isang tao, ngunit sino ba ang talagang sinusunod nila? Sa kanilang mga puso, kinikilala nila ang Diyos, ngunit ang totoo, sila’y sumasailalim sa pagmamanipula, mga pagsasaayos at pagkontrol ng tao. Sumusunod sila kay Satanas, ang diyablo; sumusunod sila sa mga puwersang lumalaban sa Diyos at na mga kaaway Niya. Ililigtas ba ng Diyos ang kawan ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Kaya ba nilang magsisi? (Hindi.) Hindi nila kayang magsisi. Iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya, isinasagawa ang mga gawain ng tao, at pinatatakbo ang sarili nilang pamamahala, at sila’y sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang kanilang pangwakas na kalalabasan ay ang pagiging kinasusuklaman at tinatanggihan ng Diyos; hindi Niya posibleng iligtas ang mga taong ito, hindi posibleng magsisi sila, nabihag na sila ni Satanas—sila’y lubusang nasa mga kamay ni Satanas. Sa iyong pananampalataya, mahalaga ba kung gaano karaming taon ka nang naniniwala sa Diyos sa kung pinupuri Ka niya o hindi? Mahalaga ba ang mga ritwal at patakarang sinusunod mo? Tinitingnan ba ng Diyos ang mga pamamaraan ng mga tao sa pagsasagawa? Tinitingnan ba Niya kung gaano karaming tao ang naroroon? Pumili na Siya ng isang bahagi ng sangkatauhan; paano Niya sinusukat kung maililigtas ba at dapat ba silang iligtas? Ibinabatay Niya ang pasyang ito sa mga landas na tinatahak ng mga taong ito. Sa Kapanahunan ng Biyaya, bagaman ang mga katotohanang sinabi ng Diyos sa mga tao ay mas kaunti kaysa sa ngayon, at hindi ganoon katukoy, nagawa pa rin Niyang gawing perpekto ang mga tao sa panahong iyon, at naging posible pa rin ang kaligtasan. Kaya, para sa mga tao ng panahong ito na nakarinig sa maraming katotohanan at nakaunawa sa kalooban ng Diyos, kung hindi nila kayang sumunod sa Kanyang daan at hindi kayang lumakad sa landas ng kaligtasan, sa gayon, ano ang kanilang magiging pangwakas na kalalabasan? Ang kanilang pangwakas na kalalabasan ay matutulad doon sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo at Judaismo; walang magiging pagkakaiba. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos! Hindi alintana kung gaano karaming sermon ang napakinggan mo na o kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan mo na, kung, sa huli, sinusunod mo pa rin ang mga tao at sinusunod si Satanas, at sa huli hindi mo pa rin kayang sumunod sa daan ng Diyos at hindi kayang matakot sa Kanya at layuan ang kasamaan, kung gayon ang mga taong ganoon ay kasusuklaman at itatakwil ng Diyos. Sa tingin ng lahat, ang mga taong ito na kinasusuklaman at itinatakwil ng Diyos ay makakapagsalita ng marami tungkol sa mga titik at doktrina, at maaaring naunawaan ang maraming katotohanan, subalit hindi nila kayang sumamba sa Diyos; hindi nila kayang matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, at hindi nila kayang lubos na sumunod sa Kanya. Sa paningin ng Diyos, itinuturing Niya sila bilang parte ng isang relihiyon, bilang isa lamang grupo ng mga tao—isang pangkat ng mga tao—at bilang isang bahay-tuluyan para kay Satanas. Sama-sama silang itinuturing bilang pangkat ni Satanas, at ang mga taong ito’y lubusang kinamumuhian ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo yaong mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinabi ni Cristo, at mga ligaw sa guni-guni yaong mga hindi tinatanggap ang daan ng buhay na dinala ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na magpakailanmang kamumuhian ng Diyos yaong mga taong hindi tinatanggap si Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makalalampas sa Kanya. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lamang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang daan. Hindi mo maaaring isipin lamang ang magkamit ng mga pagpapala habang wala kang kakayahang tumanggap ng katotohanan at walang kakayahang tumanggap ng paglalaan ng buhay. Darating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan ng buhay lahat yaong mga tunay na naniniwala sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa bago ang Kanyang gawain, at ito ang landas na dapat tahakin ng yaong lahat ng mga papasok sa bagong kapanahunan. Kung wala kang kakayahang kilalanin Siya, at sa halip pinarurusahan, nilalapastangan, o inuusig din Siya, kung gayon nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa. Kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo tatanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang ganting matatanggap ng yaong mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tatanggihan mo nang may paghamak si Cristo ng mga huling araw, wala nang sinuman ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan alang-alang sa iyo. Higit pa rito, simula sa araw na ito at sa mga susunod pa hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang sarili mo, hindi mo muling mapagmamasdan ang mukha ng Diyos. Sapagkat hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang mahinang nilalang ang tinatanggihan mo nang may paghamak, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang magagawa mo, kundi isang karumal-dumal na krimen. Kaya naman pinapayuhan Ko ang lahat na huwag ilabas ang mga pangil ninyo sa harap ng katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na muli kang isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan