1. Bakit dapat manalig ang mga tao sa Diyos?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa” (Genesis 1:1).
“At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng liwanag; at nagkaroon ng liwanag. At nakita ng Diyos ang liwanag na mabuti, at inihiwalay ng Diyos ang liwanag sa kadiliman. At tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at tinawag Niya ang kadiliman na Gabi. At nagkahapon at nagkaumaga ang unang araw” (Genesis 1:3–5).
“At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig. At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon” (Genesis 1:6–7).
“At sinabi ng Diyos, Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan, at nagkagayon. At tinawag ng Diyos ang katuyuan na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag Niyang mga Dagat: at nakita ng Diyos na mabuti. At sinabi ng Diyos, Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kaniyang binhi sa ibabaw ng lupa, at nagkagayon” (Genesis 1:9–11).
“At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw at ng mga taon: At maging pinakatanglaw sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa: at nagkagayon” (Genesis 1:14–15).
“At sinabi ng Diyos, Bukalan ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid. At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawa’t may buhay na kinapal na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kani-kaniyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kani-kaniyang uri: at nakita ng Diyos na mabuti” (Genesis 1:20–21).
“At sinabi ng Diyos, Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kani-kaniyang uri ng hayop at ng mga kinapal na umuusad, at ng mga hayop sa lupa, ayon sa kani-kaniyang uri: at nagkagayon. At nilikha ng Diyos ang hayop sa lupa ayon sa kaniyang uri, at ang hayop ayon sa kaniyang uri, at ang bawa’t umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kani-kaniyang uri: at nakita ng Diyos na mabuti” (Genesis 1:24–25).
“At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa’t umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae” (Genesis 1:26–27).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang Diyos ang Siyang namumuno sa lahat ng bagay at nangangasiwa sa lahat ng bagay. Nilikha Niya ang lahat ng narito, pinangangasiwaan Niya ang lahat ng narito, pinamumunuan Niya ang lahat ng narito, at tinutustusan Niya ang lahat ng narito. Ito ang katayuan ng Diyos, at ang Kanyang pagkakakilanlan. Para sa lahat ng bagay at sa lahat ng narito, ang tunay na pagkakakilanlan ng Diyos ay ang Lumikha at ang Pinuno ng lahat ng nilikha. Iyan ang pagkakakilanlan na taglay ng Diyos, at Siya ay natatangi sa lahat ng bagay. Wala ni isa sa mga nilikha ng Diyos—sa sangkatauhan man o sa espirituwal na mundo—ang maaaring gumamit ng anumang kaparaanan o katwiran para magkunwaring Diyos o pumalit sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, sapagkat Siya lamang, sa lahat ng bagay, ang nagtataglay ng pagkakakilanlan, kapangyarihan, awtoridad, at kakayahang ito na mamuno sa lahat ng nilikha: ang ating natatanging Diyos Mismo. Siya ay nabubuhay at gumagalaw sa lahat ng bagay; maaari Siyang umangat sa pinakamataas na lugar, sa ibabaw ng lahat ng bagay. Maaaring magpakumbaba Siya Mismo sa pamamagitan ng pagiging tao, pagiging isa sa mga may laman at dugo, at makaharap sa mga tao at makibahagi sa kanilang kaligayahan at kalungkutan, samantalang kasabay nito, inuutusan Niya ang lahat ng narito, at pinagpapasiyahan ang kapalaran ng lahat ng narito at kung saang direksyon patungo ang lahat ng ito. Bukod pa riyan, ginagabayan Niya ang kapalaran ng buong sangkatauhan, at pinapatnubayan ang direksyon ng sangkatauhan. Ang isang Diyos na tulad nito ay dapat sambahin, sundin, at kilalanin ng lahat ng nilalang na may buhay. Sa gayon, saanmang grupo o uri ng sangkatauhan ka nabibilang, ang paniniwala sa Diyos, pagsunod sa Diyos, pagpipitagan sa Diyos, pagtanggap sa Kanyang panuntunan, at pagtanggap sa Kanyang mga plano para sa iyong kapalaran ang tanging pagpipilian—ang kinakailangang pagpili—para sa sinumang tao at para sa anumang nilalang na may buhay.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X
Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang naninirahan at nagpaparami, sumusunod sa batas ng siklo ng buhay, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay tinatangay ang mga kuwento ng mga buhay, at yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin ang sarili: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang nag-uutos sa mundong ito? At sino ang lumikha sa sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng Inang Kalikasan ang sangkatauhan? Tunay bang nasa kontrol ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran? … Ito ang mga bagay na walang tigil na itinatanong ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Sa kasamaang-palad, habang mas nasasaisip ng tao ang mga katanungang ito, mas nagkakaroon siya ng pagkauhaw sa siyensya. Handog ng siyensya ang panandaliang kaluguran at pansamantalang kasiyahan ng laman, ngunit hindi sapat upang palayain ang tao mula sa pag-iisa, kalungkutan, at halos di-maitagong takot at kawalan ng magagawa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ginagamit lamang ng sangkatauhan ang kaalaman sa siyensya na nakikita ng kanyang mata at nauunawaan ng kanyang utak upang gawing manhid ang kanyang puso. Gayunma’y hindi sapat ang gayong kaalaman sa siyensya upang pigilan ang sangkatauhan sa pagsisiyasat sa mga hiwaga. Hindi lamang alam ng sangkatauhan kung sino ang Pinakamakapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, lalo na ang simula at hinaharap ng sangkatauhan. Ang tao ay nabubuhay lamang, nang sapilitan, sa gitna ng batas na ito. Walang makakatakas dito at walang makakapagpabago rito, sapagkat sa lahat ng bagay at sa kalangitan ay Iisa lamang ang nagmumula sa walang hanggan hanggang walang hanggan na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya Yaong hindi pa nakikita ng tao kailanman, Yaong hindi pa nakikilala ng sangkatauhan kailanman, na kung kaninong pag-iral ay hindi pa napaniwalaan ng sangkatauhan kailanman—gayunma’y Siya ang nagbuga ng hininga sa mga ninuno ng sangkatauhan at nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Siya Yaong nagtutustos at nangangalaga sa sangkatauhan, na nagpapahintulot na siya ay umiral; at Siya Yaong nakagabay sa sangkatauhan hanggang ngayon. Bukod pa rito, Siya at Siya lamang ang inaasahan ng sangkatauhan para sa kaligtasan. Siya ang nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at namumuno sa lahat ng nabubuhay sa sansinukob. Siya ang nag-uutos sa apat na panahon, at Siya ang tumatawag sa hangin, nagyelong hamog, niyebe, at ulan. Siya ang nagdadala ng sikat ng araw sa sangkatauhan at nagpapasimula sa gabi. Siya ang naglatag ng kalangitan at lupa, na nagbibigay sa tao ng mga kabundukan, lawa, at ilog at lahat ng nabubuhay roon. Ang Kanyang mga gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. Bawat isa sa mga batas at tuntunin na ito ay sagisag ng Kanyang mga gawa, at bawat isa ay naghahayag ng Kanyang karunungan at awtoridad. Sino ang hindi magpapasaklaw ng kanilang sarili sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? At sino ang hindi magpapasakop ng kanilang sarili sa Kanyang mga plano? Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang titig, at bukod pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang Kanyang mga gawa at Kanyang kapangyarihan ay nag-iiwan sa sangkatauhan na walang pagpipilian kundi kilalanin ang katunayan na Siya ay totoong umiiral at nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala maliban sa Kanya ang makapag-uutos sa sansinukob, lalong walang makapaglalaan nang walang katapusan para sa sangkatauhang ito. Nagagawa mo mang kilalanin ang mga gawa ng Diyos, at naniniwala ka man sa pag-iral ng Diyos, walang duda na ang Diyos ang nagpapasiya sa iyong kapalaran, at walang duda na palaging tataglayin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang Kanyang pag-iral at awtoridad ay hindi nakasalalay sa kung sila ay kinikilala at naiintindihan ng tao o hindi. Siya lamang ang nakakaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng tao, at Siya lamang ang maaaring magpasiya sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya mo mang tanggapin ang katunayan na ito, hindi na magtatagal bago masaksihan ng sangkatauhan ang lahat ng ito sa kanyang sariling mga mata, at ito ang katunayan na malapit nang isagawa ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nabubuhay at namamatay sa ilalim ng mga mata ng Diyos. Ang tao ay nabubuhay para sa pamamahala ng Diyos, at kapag pumikit ang kanyang mga mata sa huling pagkakataon, para din sa pamamahalang ito kaya pumipikit ang mga ito. Ang tao ay dumarating at umaalis nang paulit-ulit, paroo’t parito. Walang eksepsyon, lahat ng ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang plano. Ang pamamahala ng Diyos ay hindi kailanman tumigil; ito ay patuloy na sumusulong. Papangyayarihin Niyang malaman ng sangkatauhan ang Kanyang pag-iral, pagtiwalaan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mamasdan ang Kanyang mga gawa, at magbalik sa Kanyang kaharian. Ito ang Kanyang plano, at ang gawain na Kanyang pinamamahalaan sa loob ng libu-libong taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito, at bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaaliw sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagmamalasakit sa sangkatauhang ito gabi’t araw. Ang pag-unlad at paglago ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi mailalabas mula sa mga disenyo ng Diyos. Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, ikaw ay tiyak na maniniwala na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bayan o bansa ay nangyayari ayon sa mga disenyo ng Diyos. Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng isang bayan o bansa, at Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung ang sangkatauhan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung ang isang bayan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang tao ay dapat na yumuko sa Diyos sa pagsamba, magsisi at mangumpisal sa harap ng Diyos, at kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang sakuna.
Magbalik-tanaw sa panahon ng arko ni Noe: Ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, ang mga tao ay lumayo sa pagpapala ng Diyos, hindi na pinangangalagaan ng Diyos, at nawalan ng mga ipinangako ng Diyos. Sila ay nanirahan sa kadiliman, nang wala ang liwanag ng Diyos. Kaya sila ay naging likas na mahalay at hinayaan ang kanilang sarili na mauwi sa kakila-kilabot na kasamaan. Ang ganitong mga tao ay hindi na maaaring makatanggap ng pangako ng Diyos; hindi na nila karapat-dapat na masaksihan ang mukha ng Diyos, o kaya ay marinig ang tinig ng Diyos, sapagkat tinalikuran nila ang Diyos, isinantabi ang lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa kanila, at kinalimutan ang mga turo ng Diyos. Ang kanilang puso ay lumihis papalayo nang papalayo mula sa Diyos, at dahil dito, sila ay naging ubod ng sama nang higit pa sa lahat ng katwiran at pagkatao, at lalo pang nagiging masama. Kaya sila ay naging mas malapit sa kamatayan at sumailalim sa poot at kaparusahan ng Diyos. Si Noe lamang ang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung kaya’t narinig niya ang tinig ng Diyos at ang Kanyang mga tagubilin. Kanyang itinayo ang arko ayon sa mga tagubilin ng salita ng Diyos, at tinipon ang lahat ng uri ng buhay na nilalang. At sa ganitong paraan, nang maihanda na ang lahat ng bagay, pinakawalan ng Diyos ang Kanyang pagwasak sa mundo. Si Noe lamang at ang pitong miyembro ng kanyang pamilya ang nakaligtas sa pagkawasak, dahil sumamba si Noe kay Jehova at umiwas sa kasamaan.
Pagkatapos ay tumingin sa kasalukuyang panahon: Ang matuwid na tao na kagaya ni Noe, na kayang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, ay hindi na umiiral. Ngunit ang Diyos ay nagpakita pa rin ng magandang-loob sa sangkatauhang ito, at pinawalang-sala pa rin sila sa huling panahong ito. Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakalimot sa Kanyang tagubilin, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasing masunurin ng mga bata sa Kanyang harapan, at hindi Siya kakalabanin. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang kapangyarihan o puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na humarap sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang tagubilin, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layunin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang nakatatandang pinuno, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung umaasa ka sa iyong kaalaman at kakayahan sa iyong mga ginagawa, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging mawawalan ng pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay matuwid, o kaya ay tinatanggap na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay para sa paggamit ng kaalaman at lakas ng sangkatauhan upang ilayo sa tao ang pag-iingat ng Diyos, at na ginagawa ito upang itatwa ang mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan hindi matatagpuan ng tao ang Diyos at ang Kanyang pagpapala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyolohista na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema. Ang tao, kung sabagay, ay tao, at ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya. Ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang ibinibigay na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang mga pangangailangan, kasabikang tumuklas, at espirituwal na kawalan ng tao. Kung ang mga tao ng isang bayan o ng isang bansa ay hindi makatatanggap ng pagliligtas at pag-aalaga ng Diyos, tatahakin ng bansa o bayang iyon ang landas tungo sa pagdalisdis, patungo sa kadiliman, at lilipulin ito ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Sa kalawakan ng mundo, umaapaw ang karagatan hanggang sa kaparangan, tumatabon ang kaparangan sa karagatan, nang paulit-ulit. Maliban sa Kanya na namumuno sa bawat bagay sa lahat ng bagay, walang sinumang may kakayahang umakay at gumabay sa sangkatauhan. Walang sinumang makapangyarihang magtatrabaho o maghahanda para sa sangkatauhang ito, lalo nang walang sinumang makakaakay sa sangkatauhang ito tungo sa hantungang liwanag at magpapalaya rito mula sa mga kawalan ng katarungan sa mundo. Nananangis ang Diyos sa hinaharap ng sangkatauhan, nagdadalamhati sa pagkahulog ng sangkatauhan, at nasasaktan dahil naglalakad ang sangkatauhan, nang dahan-dahan, patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang nakakaisip kung saan ang maaaring patunguhan ng isang sangkatauhan na bumigo sa puso ng Diyos at nagtakwil sa Kanya para hanapin ang diyablo. Ito mismo ang dahilan kung bakit walang nakadarama sa galit ng Diyos, kung bakit walang naghahanap ng paraan para mapalugod Siya o nagsisikap na mapalapit sa Kanya, at bukod pa riyan, kung bakit walang naghahangad na maunawaan ang Kanyang dalamhati at pasakit. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, patuloy na tumatahak ang tao sa sarili niyang landas, pilit na lumalayo sa Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa Kanyang katotohanan, mas ginugustong ibenta ang kanyang sarili kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip—dapat bang ipilit ng tao ang katigasan ng kanyang ulo—tungkol sa kung paano kikilos ang Diyos sa sangkatauhang ito na nagpaalis na sa Kanya nang hindi man lang lumilingon? Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalala’t pangaral ng Diyos ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang isang walang-katulad na kalamidad, yaong hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao. Ang kalamidad na ito ay hindi lamang isang kaparusahan sa katawan, kundi pati na rin sa kaluluwa. Kailangan mong malaman ito: Kapag nabigo ang plano ng Diyos, at kapag walang tumugon sa Kanyang mga paalala at pangaral, anong klaseng galit ang Kanyang ipamamalas? Isang bagay ito na hindi pa nararanasan o naririnig ng sinumang nilalang. Kaya sinasabi Ko, ang kalamidad na ito ay walang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang tao, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatuwid, walang makakaunawa sa matitiyagang intensyon at taimtim na pag-asam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao
Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanyang paglaki hanggang sa kanyang pagtanda. Sa prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na lumalaki siya sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng kanyang pag-iral, at na mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang naaalala ang tao, kaya nga inaaksaya niya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala ni isa sa sangkatauhang ito na pinangangalagaan ng Diyos gabi’t araw ang nagkukusang sambahin Siya. Patuloy lang ang Diyos sa paghubog sa tao, nang walang anumang inaasahan, tulad ng naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa kanyang panaginip at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang katumbas ng lahat ng naibigay ng Diyos sa kanya, at ang sabik na kahilingan ng Diyos na bumalik ang tao sa Kanya. Wala pang sinumang sumuri sa mga lihim ng pamamahala sa pinagmulan at pagpapatuloy ng buhay ng tao. Diyos lamang, na nakauunawa sa lahat ng ito, ang tahimik na nagtitiis ng pasakit at mga dagok na ibinibigay ng tao, na nakatanggap ng lahat mula sa Diyos ngunit hindi nagpapasalamat. Natural lang na tinatamasa ng tao ang lahat ng idinudulot ng buhay, at, gayundin, “natural lang” na ang Diyos ay ipinagkanulo, kinalimutan, at hinuthutan ng tao. Gayon kaya talaga kahalaga ang plano ng Diyos? Gayon kaya talaga kahalaga ang tao, ang buhay na nilalang na ito na nagmula sa kamay ng Diyos? Ang plano ng Diyos ay siguradong mahalaga; gayunman, ang buhay na nilalang na ito na nilikha ng kamay ng Diyos ay nabubuhay para sa kapakanan ng Kanyang plano. Samakatuwid, hindi puwedeng sayangin ng Diyos ang Kanyang plano dahil sa galit sa sangkatauhang ito. Para sa kapakanan ng Kanyang plano at para sa hiningang inilabas Niya kaya tinitiis ng Diyos ang lahat ng hirap, hindi para sa katawan ng tao kundi para sa buhay ng tao. Ginagawa Niya iyon para mabawi hindi ang katawan ng tao kundi ang buhay na inihinga Niya. Ito ang Kanyang plano.
Lahat ng dumarating sa mundong ito ay kailangang magdaan sa buhay at kamatayan, at karamihan sa kanila ay nagdaan na sa paulit-ulit na kamatayan at muling pagsilang. Yaong mga nabubuhay ay malapit nang mamatay, at ang patay ay malapit nang magbalik. Lahat ng ito ay ang landas ng buhay na isinaayos ng Diyos para sa bawat buhay na nilalang. Ngunit ang landas at siklong ito ay ang katotohanan mismong nais ng Diyos na makita ng tao: na ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao ay walang hanggan, hindi mapipigilan ng katawan, panahon, o kalawakan. Ito ang hiwaga ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao, at patunay na ang buhay ay nagmula sa Kanya. Bagama’t maaaring maraming hindi naniniwala na ang buhay ay nagmula sa Diyos, hindi maiiwasan na tamasahin ng tao ang lahat ng nagmumula sa Diyos, naniniwala man sila o hindi sa Kanyang pag-iral. Kung sakaling dumating ang araw na biglang magbago ang puso ng Diyos at naisin Niyang bawiin ang lahat ng umiiral sa mundo at ang buhay na naibigay Niya, mawawala na ang lahat. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang buhay para tustusan ang lahat ng bagay, kapwa buhay at walang buhay, na dinadala ang lahat sa magandang kaayusan sa bisa ng Kanyang kapangyarihan at awtoridad. Ito ay isang katotohanan na walang makakaisip o makakaunawa, at ang mga katotohanang hindi maunawaan ang siya mismong pagpapakita, at katibayan, ng puwersa ng buhay ng Diyos. Ngayo’y may lihim Akong sasabihin sa iyo: Ang kadakilaan at kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay di-maarok ng sinumang nilalang. Gayon ito ngayon, tulad noon, at magkakagayon pagdating ng panahon. Ang pangalawang lihim na sasabihin Ko ay ito: Ang pinagmumulan ng buhay ng lahat ng nilikha ay ang Diyos, gaano man ang kanilang pagkakaiba sa anyo o kayarian; ano mang uri ka ng buhay na nilalang, hindi ka maaaring sumalungat sa landas ng buhay na itinakda ng Diyos. Gayunman, ang nais Ko lang ay maunawaan ito ng tao: Kung walang pangangalaga, pag-iingat, at panustos ng Diyos, hindi matatanggap ng tao ang lahat ng dapat niyang matanggap, gaano man katindi ang kanyang pagsisikap o pagpupunyagi. Kung wala ang panustos ng buhay mula sa Diyos, nawawalan ng pagpapahalaga ang tao sa buhay at ng diwa ng kahulugan ng buhay. Paano matutulutan ng Diyos na sayangin ng tao ang halaga ng Kanyang buhay, na walang inaalala? At tulad ng nasabi Ko dati: Huwag kalimutan na ang Diyos ang pinagmumulan ng iyong buhay. Kapag nabigo ang tao na itangi ang lahat ng naipagkaloob ng Diyos, hindi lamang babawiin ng Diyos ang ibinigay Niya sa simula, kundi ay pagbabayarin Niya ang tao nang doble ng halaga ng lahat ng naibigay Niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao
Ang sangkatauhan, na lumayo mula sa panustos ng buhay ng Makapangyarihan sa lahat, ay hindi nakakaalam kung bakit sila nilikha, subali’t takot pa rin sa kamatayan. Wala silang tulong o suporta, nguni’t atubili pa ring ipikit ang kanilang mga mata, at determinadong mamuhay nang walang dangal sa mundong ito, mga sako ng laman na hindi nararamdaman ang kanilang sariling kaluluwa. Sa ganitong paraan ka namumuhay, walang pag-asa, walang layunin na tulad ng iba. Tanging ang Banal na Isa ng alamat ang magliligtas sa mga tao, na habang nananaghoy sa kanilang pagdurusa, ay lubhang umaasam sa Kanyang pagdating. Sa ngayon, ang gayong paniniwala ay hindi pa rin nagaganap sa mga yaong walang kamalayan. Gayunpaman, patuloy pa ring inaasam ito ng mga tao. Ang Makapangyarihan ay may habag sa mga taong ito na nagdurusa nang labis; kasabay nito, nanghihinawa na Siya sa mga taong ito na walang kamalayan, dahil kinailangan niyang maghintay ng sagot sa napakatagal na panahon mula sa mga tao. Hangad Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, bigyan ka ng tubig at pagkain upang gisingin ka, upang hindi ka na mauhaw at magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman ang labis na kapanglawan ng mundong ito, huwag magulumihanan, huwag manangis. Tatanggapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras. Siya ay lagi sa iyong tabi upang bantayan ka, naghihintay sa iyong pagbabalik. Hinihintay niya ang araw na biglang babalik ang iyong alaala: na matatanto mo na ikaw ay nagmula sa Diyos, at minsa’y nawalan ka ng direksyon, at minsa’y nawalan ka ng malay sa daan at minsa’y nagkaroon ng “ama,” at na iyong matatanto, bukod pa riyan, na ang Makapangyarihan sa lahat ay laging nagbabantay, naghihintay nang napakatagal na panahon sa iyong pagbabalik. Noon pa man ay binabantayan ka at lubhang umaasam, naghihintay ng tugon na walang kasagutan. Ang Kanyang pagmamasid at paghihintay ay hindi matutumbasan, at ang mga ito ay para sa kapakanan ng puso at espiritu ng tao. Marahil ang pagmamasid at paghihintay na ito ay walang tiyak na katapusan, at marahil ang mga ito ay malapit nang magwakas. Nguni’t dapat mong malaman kung saan talaga naroroon ang iyong puso at espiritu sa mismong sandaling ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat