1. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig” (Juan 10:27). Sa pagbabalik ng Panginoon, bibigkasin Niya ang Kanyang mga pagpapahayag at hahanapin ang Kanyang mga tupa. Napakahalaga sa paghihintay sa pagbabalik ng Panginoon ang paghahanap sa tinig ng Diyos, ngunit hindi namin makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng tinig ng Diyos at ng tinig ng tao. Mangyaring magbahagi sa amin tungkol dito.
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay ’di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).
“Sapagka’t ang salita ng Diyos ay buhay, at mabisa, at matalas kaysa alinmang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasu-kasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pag-iisip at mga haka ng puso” (Mga Hebreo 4:12).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, subalit ang katotohanang nasa tao ay ipinapasa ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi ito isang bagay na kaya ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Ang katotohanan ang pinakatunay na talinghaga ng buhay, at ang pinakamataas sa gayong mga talinghaga sa buong sangkatauhan. Sapagkat hinihiling ito ng Diyos sa tao, at ito ang gawaing personal na ginagampanan ng Diyos, kaya’t tinatawag itong “talinghaga ng buhay”. Hindi ito isang talinghagang binuo mula sa kung anong bagay, o hindi rin ito isang tanyag na banggit mula sa isang dakilang tao. Sa halip, ito ang binibigkas sa sangkatauhan mula sa Panginoon ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay; hindi ito ilang salita na nilagom ng tao, kundi ang likas na buhay ng Diyos. Kaya nga ito ang tinatawag na “pinakamataas sa lahat ng talinghaga ng buhay.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos
Simple man o malalim sa tingin ang mga salitang sinasambit ng Diyos, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan ng tao habang pumapasok siya sa buhay; ang mga iyon ang pinagmumulan ng tubig na buhay na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ipinagkakaloob ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at doktrina para pangasiwaan ang kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin para maligtas, pati na rin ang layunin at direksyon nito; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paano sumusunod ang tao at sumasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay-kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan. Sagana ang mga iyon sa katotohanang realidad na ginagamit ng nilikhang sangkatauhan para isabuhay ang normal na pagkatao, sagana sa katotohanang nagpapalaya sa sangkatauhan mula sa katiwalian at iniiwas sila sa mga patibong ni Satanas, sagana sa walang-pagod na pagtuturo, pangaral, paghihikayat, at pag-aliw na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagbibigay liwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na isasabuhay at tataglayin ng mga tao ang lahat ng matuwid at mabuti, ang pamantayan kung saan lahat ng tao, kaganapan, at bagay ay sinusukat, at pananda rin sa paglalakbay na nag-aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa landas ng liwanag.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
Ang salita ng Diyos ay hindi maaaring ituring na salita ng tao, at lalong hindi maaaring ituring ang salita ng tao na salita ng Diyos. Ang isang taong kinakasangkapan ng Diyos ay hindi ang Diyos na nagkatawang-tao, at ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi ang taong kinakasangkapan ng Diyos. Dito, mayroong malaking pagkakaiba. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, hindi mo tinatanggap ang mga iyon bilang mga salita ng Diyos, kundi bilang kaliwanagan lamang na natamo ng tao. Kung gayon, binubulag ka ng kamangmangan. Paano magiging kapareho ng kaliwanagang natamo ng tao ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagpapasimula ng isang bagong kapanahunan, ginagabayan ang buong sangkatauhan, naghahayag ng mga hiwaga, at ipinapakita sa tao ang direksyong dapat niyang sundan sa bagong kapanahunan. Ang kaliwanagang natamo ng tao ay simpleng tagubilin lamang na isasagawa o para sa kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maihahayag ang mga hiwaga ng Diyos Mismo. Pagkatapos ng lahat, ang Diyos ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung ituturing ng tao ang mga salitang sinambit ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at propeta bilang mga salitang personal na sinambit ng Diyos, pagkakamali iyan ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Ipinararating ng ibinabahagi ng tao ang kanilang indibidwal na mga kabatiran at karanasan, ipinapahayag ang kanilang mga kabatiran at karanasan batay sa gawain ng Diyos. Ang kanilang responsibilidad ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ang Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga alagad. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aral at karanasan ng tao o ilang saloobin ng tao. Paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, sa tao man o sa Diyos na nagkatawang-tao, laging ipinapahayag ng mga manggagawa kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang likas sa tao, dahil hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang walang pundasyon. Sa madaling salita, ang gawain ay hindi nagmumula sa wala, kundi ginagawa nang naaayon sa aktwal na mga pangyayari at tunay na mga kundisyon. Sa ganitong paraan lamang mababago ang disposisyon ng tao at ang kanyang dating mga kuru-kuro at dating saloobin. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang nakikita, nararanasan, at naiisip, at kaya itong abutin ng pag-iisip ng tao, kahit ito ay doktrina o mga kuru-kuro. Hindi malalampasan ng gawain ng tao ang saklaw ng karanasan ng tao, ni ng nakikita ng tao, ni ng kayang isipin o akalain ng tao, gaano man kalaki ang gawaing iyon. Lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay kung ano Siya Mismo, at hindi ito kayang abutin ng tao—ibig sabihin, hindi ito kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Ipinapahayag Niya ang Kanyang gawaing pamunuan ang buong sangkatauhan, at wala itong kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, kundi sa halip ay may kinalaman ito sa Kanyang sariling pamamahala. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang karanasan, samantalang ang ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang pagkatao, na Kanyang likas na disposisyon, na hindi kayang abutin ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang kabatiran at kaalamang nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang katauhan. Ang ganitong kabatiran at kaalaman ay tinatawag na pagkatao ng tao, at ang batayan ng pagpapahayag ng mga iyon ay ang likas na disposisyon at kakayahan ng tao—kaya nga tinatawag din ang mga iyon na pagkatao ng tao. Nagagawang ibahagi ng tao ang kanyang nararanasan at nakikita. Walang sinumang maaaring magbahagi ng anumang hindi pa nila naranasan, hindi pa nila nakita, o hindi kayang abutin ng kanilang pag-iisip, dahil ang mga bagay na iyon ay wala sa kanilang kalooban. Kung ang ipinapahayag ng tao ay hindi nagmumula sa kanyang karanasan, imahinasyon niya iyon o doktrina. Sa madaling salita, walang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo magagawang ibahagi nang malinaw ang kumplikadong mga ugnayan ng lipunan. Kung wala kang pamilya, kapag nag-usap-usap ang ibang mga tao tungkol sa mga problema sa pamilya, hindi mo mauunawaan ang karamihan sa sinabi nila. Kaya, ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang kalooban.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao
Ang awtoridad at pagkakakilanlan ng Diyos ay malinaw na nabubunyag sa mga salitang ginamit sa mga pagbigkas ng Diyos. Halimbawa, kapag sinasabi ng Diyos “ang Aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging … ikaw ay ginawa Kong … ikaw ay Aking gagawing…,” ang mga parirala na tulad ng “ikaw ang magiging” at “Aking gagawing,” kung saan ang mga salitang ginamit ay nagtataglay ng pagpapatunay ng pagkakakilanlan at awtoridad ng Diyos, na sa isang aspeto, ay pagpapahiwatig ng katapatan ng Lumikha; sa isa pang aspeto, ang mga iyon ay mga espesyal na mga salita na ginamit ng Diyos, na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Lumikha—gayundin bilang bahagi ng nakasanayang talasalitaan. Kung may sinumang nagsasabi na umaasa sila na ang isa pang tao ay magiging labis na masagana, na magmumula ang mga bansa sa kanya, at magmumula ang mga hari sa kanya, samakatwid iyon ay walang-dudang isang uri ng pagnanais, at hindi isang pangako o isang pagpapala. Kaya, hindi nangangahas ang mga tao na sabihing “gagawin kitang ganito ganyan, ikaw ay magiging ganito at ganyan…,” dahil alam nila na hindi sila nagtataglay ng ganyang kapangyarihan; hindi ito nakasalalay sa kanila, at kahit pa sabihin nila ang ganyang mga bagay, walang-kabuluhan ang kanilang mga salita, at walang-saysay, bunsod lamang ng kanilang pagnanasa at ambisyon. May nangangahas bang magsalita sa ganyang kadakilang tono kung sa tingin nila ay hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga inaasam? Ang lahat ay nag-aasam ng mabuti para sa kanilang mga inapo, at umaasa na sila’y mangunguna at magtatamasa ng malaking tagumpay. “Anong laking kapalaran ito kung ang isa sa kanila ay magiging emperador! Kung magiging gobernador ang isa, maganda rin iyon—basta maging mahalagang tao lamang sila!” Ang mga ito ang inaasam ng lahat ng tao, ngunit maaari lamang silang magnais ng mga biyaya sa kanilang mga inapo, at hindi nila kayang tuparin o gawing totoo ang anuman sa kanilang mga pangako. Sa kanilang mga puso, malinaw na alam ng lahat na wala silang taglay na kapangyarihan upang makamit ang naturang mga bagay, dahil hindi nila kontrolado ang lahat sa kanila, at kaya paano nila makokontrol ang kapalaran ng iba? Ang dahilan kung bakit masasabi ng Diyos ang mga salitang gaya ng mga ito ay dahil taglay ng Diyos ang naturang awtoridad, at may kakayahan na tuparin at isagawa ang lahat ng ipinangako Niya sa tao, at kaya Niyang gawin na magkatotoo ang mga pagpapalang ipinagkakaloob Niya sa tao. Nilikha ng Diyos ang tao, at napakagaan para sa Diyos na gawing labis na masagana ang isang tao; kailangan lamang ng isang salita mula sa Kanya para gawing masagana ang mga inapo ng isang tao. Hindi Niya kailanman kailangang magpawis para sa naturang bagay, o pagurin ang Kanyang isipan, o isuong ang Sarili Niya sa kagipitan para sa gayong bagay; ito ang mismong kapangyarihan ng Diyos, ang mismong awtoridad ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Napakaraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Ang sariling gawain ng Diyos ay nagpapahayag din kung ano Siya, ngunit ang Kanyang katauhan ay naiiba sa tao. Ang katauhan ng tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya sa pamumuhay), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang sitwasyon ay nagpapahayag ng iba’t ibang pagkatao. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa pakikisama. Alam na alam Niya ang pinakadiwa ng tao at maihahayag ang lahat ng klase ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng klase ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng mga tiwaling disposisyon at masuwaying pag-uugali ng mga tao. Hindi Siya namumuhay sa piling ng mga taong makamundo, ngunit alam Niya ang likas na pagkatao ng mga mortal at lahat ng katiwalian ng mga taong makamundo. Ito ang Kanyang pagkatao. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang likas na pagkatao ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa pamumuhay at mga himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ang Kanyang katauhan, bukas sa mga tao at tago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi ang katauhan ng isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at katauhan ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na hindi makatao at hindi nauunawaan ang mga kalakaran at buhay ng pagiging tao, ngunit maaari Niyang hilingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at abang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang katauhan, mas mataas kaysa katauhan ng kahit sinong tao na may laman at dugo. Para sa Kanya, hindi kailangang magdanas ng isang kumplikado, masalimuot, at nakaririmarim na pakikisama sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang pinakadiwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na pakikisama sa lipunan ay hindi humuhubog sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paghahayag ng kasamaan ng tao pagkatapos malaman ang pagsuway ng tao sa loob ng mahabang panahon at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay upang ihayag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang Kanyang katauhan. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring isagawa ng isang taong may laman at dugo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao