Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Gaano karami sa gawain ng tao ang gawain ng Banal na Espiritu at gaano karami ang karanasan ng tao? Masasabi na hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang mga tanong na ito, at iyan ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu. Kapag sinabi Kong “gawain ng tao,” ang tinutukoy Ko, mangyari pa, ay ang gawain ng mga nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu o ng mga kinakasangkapan ng Banal na Espiritu. Hindi Ko tinutukoy ang gawaing nagmumula sa kalooban ng tao, kundi sa gawain ng mga apostol, manggagawa, o karaniwang mga kapatid na nasa saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu. Dito, “ang gawain ng tao” ay hindi tumutukoy sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi sa saklaw at mga prinsipyo ng gawaing isinasagawa ng Banal na Espiritu sa mga tao. Habang ang mga prinsipyong ito ay ang mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu, hindi ito kapareho ng mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawain ng tao ay may diwa at mga prinsipyo ng tao, at ang gawain ng Diyos ay may diwa at mga prinsipyo ng Diyos.

Ang gawaing nasa daloy ng Banal na Espiritu, sariling gawain man ng Diyos o gawain ng mga taong kinakasangkapan, ay ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang diwa ng Diyos Mismo ay ang Espiritu, na matatawag na Banal na Espiritu o ang Espiritung pinatindi nang pitong ulit. Sa kabuuan, Sila ang Espiritu ng Diyos, bagama’t tinawag na ang Espiritu ng Diyos sa iba-ibang katawagan sa iba’t ibang kapanahunan. Iisa pa rin ang Kanilang diwa. Samakatuwid, ang gawain ng Diyos Mismo ay ang gawain ng Banal na Espiritu, habang ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay walang iba kundi ang Banal na Espiritu na gumagawa. Ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay ang gawain din ng Banal na Espiritu. Subalit ang gawain ng Diyos ang ganap na pagpapahayag ng Banal na Espiritu, na talagang totoo, samantalang ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay may kahalong maraming bagay ng tao, at hindi ito ang tuwirang pagpapahayag ng Banal na Espiritu, lalong hindi ang Kanyang ganap na pagpapahayag. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay iba-iba at hindi limitado ng anumang mga kundisyon. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nag-iiba-iba sa iba’t ibang tao; nagpapakita ito ng iba’t ibang diwa, at nagkakaiba-iba ayon sa kapanahunan, gayundin ayon sa bansa. Mangyari pa, bagama’t gumagawa ang Banal na Espiritu sa maraming iba’t ibang paraan at ayon sa maraming prinsipyo, paano man ginagawa ang gawain o sa anumang klase ng mga tao, palaging iba ang diwa nito; lahat ng gawaing ginagawa sa iba’t ibang tao ay may mga prinsipyo, at lahat ng iyon ay maaaring kumatawan sa diwa ng mga taong pinag-uukulan nito. Ito ay dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay medyo partikular ang saklaw at medyo sukat. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi kapareho ng gawaing isinasagawa sa mga tao, at nag-iiba-iba rin ang gawain ayon sa kakayahan ng mga taong ginagawan nito. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi ginagawa sa mga tao, at hindi ito kapareho ng gawaing ginagawa sa mga tao. Sa madaling salita, paano man ito ginagawa, ang gawaing isinasagawa sa iba’t ibang taong pinag-uukulan nito ay hindi kailanman pare-pareho, at ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang paggawa ay naiiba alinsunod sa mga kalagayan at likas na pagkatao ng iba’t ibang tao kung kanino Siya gumagawa. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iba’t ibang tao batay sa kanilang likas na diwa at walang hinihiling na anuman sa kanila na lampas pa sa diwang iyon, ni hindi Siya gumagawa sa kanila na lampas pa sa kanilang likas na kakayahan. Kaya, ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay tinutulutan ang mga tao na makita ang diwa ng taong pinag-uukulan ng gawaing iyon. Hindi nagbabago ang likas na diwa ng tao; limitado ang kanyang likas na kakayahan. Kinakasangkapan ng Banal na Espiritu ang mga tao o gumagawa sa kanila alinsunod sa mga limitasyon ng kanilang kakayahan, upang makinabang sila mula rito. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga taong kinakasangkapan, lumalabas, hindi pinipigil, ang mga talento at likas na kakayahan ng mga taong iyon. Ang kanilang likas na kakayahan ay ibinubuhos sa paglilingkod sa gawain. Masasabi na kinakasangkapan Niya ang mga bahagi ng mga taong maaaring kasangkapanin sa Kanyang gawain, upang makamtan ang mga resulta sa gawaing iyon. Sa kabilang dako, ang gawaing isinasagawa sa nagkatawang-taong laman ay direktang ipinapahayag ang gawain ng Espiritu at hindi nahaluan ng isipan at mga saloobin ng tao; hindi ito kayang abutin ng mga kaloob ng tao, ni ng karanasan ng tao, ni ng likas na kundisyon ng tao. Ang layunin ng lahat ng napakaraming gawain ng Banal na Espiritu ay para makinabang at maturuan ang tao. Gayunman, maaaring gawing perpekto ang ilang tao habang ang iba ay walang taglay na mga kundisyon para maperpekto, na ibig sabihin ay hindi sila magagawang perpekto at halos hindi maliligtas, at kahit maaaring nagkaroon na sila ng gawain ng Banal na Espiritu, sa huli ay aalisin sila. Ibig sabihin ay kahit ang gawain ng Banal na Espiritu ay upang maturuan ang mga tao, hindi masasabi ng isang tao na lahat ng nagkaroon na ng gawain ng Banal na Espiritu ay ganap na gagawing perpekto, dahil ang landas na tinatahak ng maraming tao ay hindi ang landas tungo sa pagiging perpekto. Mayroon lamang silang gawain ng Banal na Espiritu, hindi ang pansariling pakikipagtulungan ni ang tamang pagsusumikap ng tao. Sa gayon, ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga taong ito ay naglilingkod sa mga ginagawang perpekto. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi direktang makikita ng mga tao, ni hindi direktang mahahawakan ng mga tao mismo. Maipapahayag lamang ito ng mga pinagkalooban ng gawain, na ibig sabihin ay na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ipinagkakaloob sa mga tagasunod sa pamamagitan ng mga pagpapahayag na ginagawa ng mga tao.

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay isinasakatuparan at tinatapos sa pamamagitan ng maraming uri ng mga tao at maraming iba’t ibang kalagayan. Kahit ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay maaaring kumatawan sa gawain ng isang buong kapanahunan, at maaaring kumatawan sa pagpasok ng mga tao sa isang buong kapanahunan, ang gawain sa mga detalye ng pagpasok ng mga tao ay kailangan pa ring gawin ng mga taong kinakasangkapan ng Banal na Espiritu, hindi ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya, ang gawain ng Diyos, o ang sariling ministeryo ng Diyos, ay ang gawain ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, na hindi magagawa ng tao para sa Kanya. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay tinatapos sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng mga tao; walang iisang taong makakagawa nito nang buo, at walang iisang taong makapagpapahayag nito nang lubusan. Yaong mga namumuno sa mga iglesia ay hindi rin maaaring kumatawan nang lubusan sa gawain ng Banal na Espiritu; maaari lamang silang gumawa ng ilang gawain ng pamumuno. Sa gayon ay maaaring hatiin ang gawain ng Banal na Espiritu sa tatlong bahagi: Ang sariling gawain ng Diyos, ang gawain ng mga taong kinakasangkapan, at ang gawain sa lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang sariling gawain ng Diyos ay ang mamuno sa buong kapanahunan; ang gawain ng mga kinakasangkapan, na isinugo o tumanggap ng mga tagubilin nang matapos ng Diyos ang Kanyang gawain, ay mamuno sa lahat ng tagasunod ng Diyos, at sila ang mga taong nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos; ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa mga nasa daloy ay ang panatilihin ang lahat ng Kanyang sariling gawain, ibig sabihin, ang panatilihin ang Kanyang buong pamamahala at Kanyang patotoo, habang ginagawang perpekto kaagad yaong mga magagawang perpekto. Magkakasama, ang tatlong bahaging ito ang buong gawain ng Banal na Espiritu, ngunit kung wala ang gawain ng Diyos Mismo, ang gawaing pamamahala ay hindi makakasulong sa kabuuan nito. Ang gawain ng Diyos Mismo ay kinapapalooban ng gawain ng buong sangkatauhan, at kumakatawan din sa gawain ng buong kapanahunan, na ibig sabihin ay na ang sariling gawain ng Diyos ay kumakatawan sa bawat galaw at kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang dumarating ang gawain ng mga apostol matapos ang sariling gawain ng Diyos at kasunod nito, at hindi ito ang namumuno sa kapanahunan, ni kumakatawan sa mga kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu sa isang buong kapanahunan. Ginagawa lamang nila ang gawaing kailangang gawin ng tao, na walang anumang kinalaman sa gawaing pamamahala. Ang gawaing isinakatuparan ng Diyos Mismo ay isang proyektong napapaloob sa gawaing pamamahala. Ang gawain ng tao ay tungkulin lamang na ginagampanan ng mga taong kinakasangkapan, at hindi ito nauugnay sa gawaing pamamahala. Sa kabila ng katotohanan na parehong gawain ng Banal na Espiritu ang mga ito, dahil sa mga pagkakaiba sa mga pagkakakilanlan at pagkakatawan ng gawain, may malinaw at makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng sariling gawain ng Diyos at gawain ng tao. Bukod dito, ang lawak ng gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu ay magkakaiba sa mga taong pinag-uukulan nito na may iba’t ibang pagkakakilanlan. Ito ang mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu.

Ang gawain ng tao ay nagpapahiwatig ng kanyang karanasan at kanyang pagkatao. Ang ibinibigay at ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanya. Ang kabatiran, pangangatwiran, lohika, at mayamang imahinasyon ng tao ay kasamang lahat sa kanyang gawain. Ang karanasan ng tao ay mas naipapahiwatig ang kanyang gawain, at ang mga karanasan ng isang tao ay nagiging mga bahagi ng kanyang gawain. Ang gawain ng tao ay maaaring magpahayag ng kanyang karanasan. Kapag negatibo ang karanasan ng ilang tao, karamihan sa pananalita ng kanilang pagbabahagi ay binubuo ng mga negatibong elemento. Kung positibo ang kanilang karanasan sa loob ng ilang panahon at lalo silang may isang landas sa positibong aspeto, lubhang nakakasigla ang kanilang ibinabahagi, at maaaring magtamo ng positibong mga panustos ang mga tao mula sa kanila. Kung ang isang manggagawa ay nagiging negatibo sa loob ng ilang panahon, laging magdadala ng negatibong mga elemento ang kanyang pagbabahagi. Nakakalungkot ang ganitong uri ng pagbabahagi, at hindi sinasadyang nalulumbay ang iba pagkatapos niyang magbahagi. Nagbabago ang kalagayan ng mga tagasunod batay sa kalagayan ng pinuno. Anuman ang nasa kalooban ng manggagawa, iyon ang kanyang ipinapahayag, at kadalasan ay nagbabago ang gawain ng Banal na Espiritu ayon sa kalagayan ng tao. Siya ay gumagawa ayon sa karanasan ng mga tao at hindi Niya sila pinipilit, ngunit humihingi Siya sa mga tao ayon sa normal na takbo ng kanilang karanasan. Ang ibig sabihin nito ay na ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Ipinararating ng ibinabahagi ng tao ang kanilang indibidwal na mga kabatiran at karanasan, ipinapahayag ang kanilang mga kabatiran at karanasan batay sa gawain ng Diyos. Ang kanilang responsibilidad ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ang Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga tagasunod. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aral at karanasan ng tao o ilang saloobin ng tao. Paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, sa tao man o sa Diyos na nagkatawang-tao, laging ipinapahayag ng mga manggagawa kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang likas sa tao, dahil hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang walang pundasyon. Sa madaling salita, ang gawain ay hindi nagmumula sa wala, kundi ginagawa nang naaayon sa aktwal na mga pangyayari at tunay na mga kundisyon. Sa ganitong paraan lamang mababago ang disposisyon ng tao at ang kanyang dating mga kuru-kuro at dating saloobin. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang nakikita, nararanasan, at naiisip, at kaya itong abutin ng pag-iisip ng tao, kahit ito ay doktrina o mga kuru-kuro. Hindi malalampasan ng gawain ng tao ang saklaw ng karanasan ng tao, ni ng nakikita ng tao, ni ng kayang isipin o akalain ng tao, gaano man kalaki ang gawaing iyon. Lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay kung ano Siya Mismo, at hindi ito kayang abutin ng tao—ibig sabihin, hindi ito kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Ipinapahayag Niya ang Kanyang gawaing pamunuan ang buong sangkatauhan, at wala itong kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, kundi sa halip ay may kinalaman ito sa Kanyang sariling pamamahala. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang karanasan, samantalang ang ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang pagiging Diyos, na Kanyang likas na disposisyon, na hindi kayang abutin ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang kabatiran at kaalamang nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang pagiging Diyos. Ang ganitong kabatiran at kaalaman ay tinatawag na pagkatao ng tao, at ang batayan ng pagpapahayag ng mga iyon ay ang likas na disposisyon at kakayahan ng tao—kaya nga tinatawag din ang mga iyon na pagkatao ng tao. Nagagawang ibahagi ng tao ang kanyang nararanasan at nakikita. Walang sinumang maaaring makapagbahagi ng anumang hindi pa nila naranasan, hindi pa nila nakita, o hindi kayang abutin ng kanilang pag-iisip, dahil ang mga bagay na iyon ay wala sa kanilang kalooban. Kung ang ipinapahayag ng tao ay hindi nagmumula sa kanyang karanasan, imahinasyon niya iyon o doktrina. Sa madaling salita, walang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo magagawang ibahagi nang malinaw ang kumplikadong mga ugnayan ng lipunan. Kung wala kang pamilya, kapag nag-usap-usap ang ibang mga tao tungkol sa mga problema sa pamilya, hindi mo mauunawaan ang karamihan sa sinabi nila. Kaya, ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang kalooban. Kung ibinahagi ng sinuman ang kanyang pagkaunawa tungkol sa pagkastigo at paghatol, ngunit wala kang karanasan doon, hindi ka mangangahas na tanggihan ang kanyang kaalaman, lalo nang hindi ka mangangahas na siyento-por-siyentong magtiwala roon. Ito ay dahil ang kanilang ibinabahagi ay isang bagay na hindi mo pa naranasan kailanman, isang bagay na hindi mo pa nalaman kailanman, at hindi iyon kayang isipin ng isip mo. Mula sa kanilang kaalaman, lahat ng matututuhan mo ay isang landas tungo sa pagdaan sa pagkastigo at paghatol sa hinaharap. Ngunit ang landas na ito ay maaaring maging isa lamang doktrinal na kaalaman; hindi ito makakapalit sa iyong sariling pagkaunawa, lalo na sa iyong karanasan. Marahil ay iniisip mo na ang sinasabi nila ay medyo tama, ngunit sa sarili mong karanasan, alam mo na hindi iyon praktikal sa maraming paraan. Marahil pakiramdam mo ay lubos na hindi praktikal ang ilan sa naririnig mo; nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol doon sa oras na iyon, at bagama’t tinatanggap mo iyon, nag-aatubili ka pa rin. Ngunit sa sarili mong karanasan, ang kaalamang pinagmulan ng iyong mga kuru-kuro ang nagiging paraan mo ng pagsasagawa, at habang lalo kang nagsasagawa, lalo mong nauunawaan ang tunay na halaga at kahulugan ng mga salitang iyong narinig. Matapos magkaroon ng sarili mong karanasan, maaari mo nang banggitin ang kaalamang dapat mong taglayin tungkol sa naranasan mo. Dagdag pa rito, maaari mo ring tukuyin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong tunay at praktikal ang kaalaman at ng mga taong ang kaalaman ay batay sa doktrina at walang halaga. Kaya, naaayon man sa katotohanan ang kaalamang sinasabi mo ay lubhang nakasalalay sa kung ikaw ay may praktikal na karanasan doon. Kapag may katotohanan sa iyong karanasan, magiging praktikal at mahalaga ang iyong kaalaman. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, magtatamo ka rin ng paghiwatig at kabatiran, mapapalalim mo ang iyong kaalaman, at madaragdagan ang iyong karunungan at sentido kumon tungkol sa kung paano ka dapat kumilos. Ang kaalamang ipinapahayag ng mga taong walang taglay na katotohanan ay doktrina, gaano man iyon katayog. Ang ganitong uri ng tao ay maaaring napakatalino pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa laman ngunit hindi matukoy ang mga kaibhan pagdating sa mga espirituwal na gawain. Iyan ay dahil ang gayong mga tao ay wala ni isang karanasan man lamang sa mga espirituwal na bagay. Sila ang mga taong hindi naliliwanagan sa mga espirituwal na gawain at walang espirituwal na pang-unawa. Anumang uri ng kaalaman ang ipahayag mo, basta’t tungkol iyon sa iyong pagkatao, iyon ay iyong personal na karanasan, iyong tunay na kaalaman. Ang tinatalakay ng mga taong nagsasalita lamang ng doktrina—yaong mga taong walang taglay na katotohanan ni realidad—ay maaari ding tawaging kanilang pagkatao, dahil nakarating sila sa kanilang doktrina sa pamamagitan lamang ng malalim na pagninilay-nilay at ito ang bunga ng kanilang malalim na pagbubulay-bulay. Subalit ito ay doktrina lamang, walang iba kundi imahinasyon! Ang mga karanasan ng lahat ng uri ng mga tao ay kumakatawan sa mga bagay na nasa kanilang kalooban. Sinumang walang espirituwal na karanasan ay hindi maaaring magsalita tungkol sa kaalaman ng katotohanan, ni ng tamang kaalaman tungkol sa iba-ibang uri ng mga espirituwal na bagay. Ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya sa kanyang kalooban—iyan ang tiyak. Kung nais ng isang tao na magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga espirituwal na bagay at sa kaalaman tungkol sa katotohanan, kailangan siyang magkaroon ng tunay na karanasan. Kung hindi ka makapagsalita nang malinaw tungkol sa sentido kumon sa buhay ng tao, paano ka pa makapagsasalita tungkol sa mga espirituwal na bagay? Yaong mga maaaring mamuno sa mga iglesia, tustusan ng buhay ang mga tao, at maging mga apostol sa mga tao ay kailangang magkaroon ng aktwal na karanasan; kailangang magkaroon sila ng tamang pagkaunawa tungkol sa mga espirituwal na bagay at ng tamang pagpapahalaga at karanasan sa katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat maging mga manggagawa o apostol na namumuno sa mga iglesia. Kung hindi, maaari lamang silang sumunod bilang pinakamababa at hindi maaaring mamuno, lalong hindi sila maaaring maging mga apostol na nagagawang tustusan ng buhay ang mga tao. Iyan ay dahil ang tungkulin ng mga apostol ay hindi upang magparoo’t parito o makipaglaban; iyan ay upang gawin ang gawain ng pagmiministeryo sa buhay at pamumuno sa iba sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon. Yaong mga gumaganap sa tungkuling ito ay binigyan ng tagubiling bumalikat ng mabigat na responsibilidad, na hindi kakayaning gawin ng kahit sino. Ang uring ito ng gawain ay maaari lamang gawin ng mga yaon na may kahulugan ang buhay, ibig sabihin, yaong mga may karanasan sa katotohanan. Hindi ito maaaring gawin ng kahit sino na maaaring magbitiw, magparoo’t parito, o handang gugulin ang kanilang sarili; ang mga taong walang karanasan sa katotohanan, na hindi pa natabasan o nahatulan, ay hindi nagagawa ang ganitong uri ng gawain. Ang mga taong walang karanasan, ang mga taong walang realidad, ay hindi nakikita nang malinaw ang realidad dahil sila mismo ay walang ganitong uri ng pagkatao. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay hindi lamang hindi nagagawang gawin ang gawaing mamuno, kundi, kung mananatiling wala sa kanila ang katotohanan sa loob ng mahabang panahon, palalayasin sila. Ang kabatirang ipinapahayag mo ay maaaring magpatunay sa mga paghihirap na naranasan mo sa buhay, sa mga bagay kaya ka nakastigo, at sa mga isyu kaya ka nahatulan. Totoo rin ito sa mga pagsubok: Kung saan pinino ang isang tao, ay kung saan mahina ang isang tao—ito ang mga bagay kung saan may karanasan ang isang tao, kung saan may landas ang isang tao. Halimbawa, kung may isang taong nagdaranas ng mga kabiguan sa pagsasama nilang mag-asawa, madalas nilang ibabahagi, “Salamat sa Diyos, purihin ang Diyos, kailangan kong palugurin ang hangarin ng puso ng Diyos at ialay ang aking buong buhay, at kailangan kong ipaubaya nang lubusan ang pagsasama naming mag-asawa sa mga kamay ng Diyos. Handa akong ialay ang buong buhay ko sa Diyos.” Lahat ng bagay na nasa kalooban ng tao ay maaaring magpamalas kung ano siya sa pamamagitan ng pagbabahagi. Ang bilis ng pananalita ng isang tao, nagsasalita man siya nang malakas o tahimik—ang gayong mga bagay ay hindi mga bagay ng karanasan at hindi maaaring kumatawan sa kung ano ang mayroon sila at ano sila. Masasabi lamang ng mga bagay na ito kung ang katangian ng isang tao ay mabuti o masama, o kung mabuti o masama ang kanilang likas na pagkatao, ngunit hindi nito masasabi kung may karanasan ang isang tao. Ang kakayahang ipahayag ang sarili kapag nagsasalita, o ang kasanayan o bilis ng pananalita, ay nakukuha lamang sa pagsasanay at hindi makakapalit sa karanasan ng isang tao. Kapag bumabanggit ka tungkol sa iyong indibiduwal na mga karanasan, ibinabahagi mo ang para sa iyo ay mahalaga at lahat ng bagay na nasa iyong kalooban. Ang Aking pananalita ay kumakatawan sa Aking pagkatao, ngunit ang Aking sinasabi ay hindi kayang abutin ng tao. Ang Aking sinasabi ay hindi yaong nararanasan ng tao, at hindi iyon isang bagay na makikita ng tao; hindi rin iyon isang bagay na mahahawakan ng tao, kundi kung ano Ako. Kinikilala lamang ng ilang tao na ang Aking ibinabahagi ay ang Aking naranasan, ngunit hindi nila kinikilala na iyon ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu. Mangyari pa, ang Aking sinasabi ay ang Aking naranasan. Ako ang siyang nakagawa ng gawaing pamamahala sa loob ng anim na libong taon. Naranasan Ko ang lahat mula sa simula ng paglikha sa sangkatauhan hanggang ngayon; paanong hindi Ko iyon magagawang talakayin? Pagdating sa likas na pagkatao ng tao, nakita Ko na nang malinaw; matagal Ko na itong napagmasdan. Paanong hindi Ko iyon magagawang banggitin nang malinaw? Dahil nakita Ko na nang malinaw ang pinakadiwa ng tao, kwalipikado Akong kastiguhin ang tao at hatulan siya, dahil lahat ng tao ay nagmula sa Akin ngunit nagawang tiwali ni Satanas. Mangyari pa, kwalipikado rin Akong suriin ang gawaing Aking nagawa. Bagama’t ang gawaing ito ay hindi ginagawa ng Aking katawang-tao, ito ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu, at ito ang kung ano ang mayroon Ako at ano Ako. Samakatuwid, kwalipikado Akong ipahayag ito at gawin ang gawaing kailangan Kong gawin. Ang sinasabi ng mga tao ay ang naranasan nila. Iyon ang nakita nila, ang naaabot ng kanilang isipan, at ang nadarama ng kanilang mga pandama. Iyon ang maaari nilang ibahagi. Ang mga salitang sinambit ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu at nagpapahayag ng gawaing nagawa ng Espiritu, na hindi pa naranasan o nakita ng katawang-tao, subalit ipinapahayag pa rin Niya ang Kanyang pagkatao, sapagkat ang diwa ng katawang-tao ay ang Espiritu, at ipinapahayag Niya ang gawain ng Espiritu. Gawain iyon na nagawa na ng Espiritu, bagama’t hindi iyon maabot ng katawang-tao. Matapos ang pagkakatawang-tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katawang-tao, binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na malaman ang pagiging Diyos ng Diyos at tinutulutan ang mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos at ang gawaing Kanyang nagawa. Ang gawain ng tao ay nagbibigay sa mga tao ng higit na kalinawan kung ano ang dapat nilang pasukin at kung ano ang dapat nilang maunawaan; kinapapalooban ito ng pag-akay sa mga tao tungo sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan. Ang gawain ng tao ay alalayan ang mga tao; ang gawain ng Diyos ay ang magbukas ng mga bagong landas at mga bagong kapanahunan para sa sangkatauhan, at ibunyag sa mga tao yaong hindi alam ng mga mortal, na nagbibigay-kakayahan sa kanila na malaman ang Kanyang disposisyon. Ang gawain ng Diyos ay pamunuan ang buong sangkatauhan.

Lahat ng gawain ng Banal na Espiritu ay isinasagawa upang makinabang ang mga tao. Tungkol lahat iyon sa paghubog sa mga tao; walang gawain na hindi kapaki-pakinabang sa mga tao. Malalim man o mababaw ang katotohanan, at kahit gaano man ang kakayahan ng mga tumatanggap sa katotohanan, anuman ang ginagawa ng Banal na Espiritu, kapaki-pakinabang iyon sa mga tao. Ngunit ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring gawin nang tuwiran; kailangan itong ipahayag sa pamamagitan ng mga taong nakikipagtulungan sa Kanya. Doon lamang matatamo ang mga resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, kapag tuwirang gumagawa ang Banal na Espiritu, wala man lamang iyong bahid-dungis; ngunit kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tao, labis iyong nadudungisan at hindi iyon ang orihinal na gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, nagbabago ang katotohanan sa magkakaibang antas. Hindi natatanggap ng mga tagasunod ang orihinal na layunin ng Banal na Espiritu kundi ang pinagsamang gawain ng Banal na Espiritu at ng karanasan at kaalaman ng tao. Ang bahaging natatanggap ng mga tagasunod na gawain ng Banal na Espiritu ay tama, samantalang ang karanasan at kaalaman ng tao na natatanggap nila ay iba-iba dahil magkakaiba ang mga manggagawa. Ang mga manggagawang may kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu ay patuloy na magkakaroon ng mga karanasan batay sa kaliwanagan at patnubay na ito. Nakapaloob sa mga karanasang ito ang magkasamang isipan at karanasan ng tao, pati na ang pagkatao ng tao, at pagkatapos, natatamo nila ang kaalaman o kabatirang dapat ay mayroon sila. Ito ang paraan ng pagsasagawa ng tao matapos maranasan ang katotohanan. Ang paraang ito ng pagsasagawa ay hindi palaging magkakapareho, dahil magkakaiba ang pagdanas ng mga tao at iba-iba ang mga bagay na nararanasan ng mga tao. Sa ganitong paraan, ang parehong kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay nagbubunga ng iba’t ibang kaalaman at pagsasagawa, dahil magkakaiba ang mga taong tumatanggap ng kaliwanagan. Ang ilang tao ay nakakagawa ng maliliit na pagkakamali habang nagsasagawa habang ang ilan naman ay nakakagawa ng malalaking pagkakamali, at ang ilan ay puro mali ang ginagawa. Ito ay dahil magkakaiba ang kakayahan ng mga tao na makaunawa at dahil magkakaiba rin ang kanilang likas na mga kakayahan. Ang ilang tao ay may isang uri ng pagkaunawa matapos marinig ang isang mensahe, at ang ilang tao naman ay may ibang pagkaunawa matapos marinig ang isang katotohanan. Lumilihis nang bahagya ang ilang tao, samantalang ni hindi man lamang nauunawaan ng ilan ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Samakatuwid, idinidikta ng pang-unawa ng isang tao kung paano niya pamumunuan ang iba; totoo talaga ito, dahil ang gawain ng isang tao ay isang pagpapahayag lamang ng kanyang pagkatao. Ang mga taong pinamumunuan ng mga may tamang pagkaunawa sa katotohanan ay magkakaroon din ng tamang pagkaunawa sa katotohanan. Kahit may mga taong nagkakamali sa kanilang pagkaunawa, kakaunti lamang sila, at hindi lahat ay magkakaroon ng mga kamalian. Kung may mga kamalian ang isang tao sa kanyang pagkaunawa sa katotohanan, siguradong magkakamali rin ang mga sumusunod sa kanya, at ang mga taong ito ay magkakamali sa lahat ng posibleng paraan. Ang antas ng pagkaunawa ng mga tagasunod sa katotohanan ay lubos na nakasalalay sa mga manggagawa. Mangyari pa, ang katotohanan mula sa Diyos ay tama at walang mali, at talagang tiyak. Gayunman, hindi lubos na tama ang mga manggagawa at hindi masasabi na lubos silang maaasahan. Kung ang mga manggagawa ay may napakapraktikal na paraan sa pagsasagawa ng katotohanan, magkakaroon din ang mga tagasunod ng isang paraan ng pagsasagawa. Kung walang paraan ang mga manggagawa para isagawa ang katotohanan kundi mayroon lamang silang doktrina, hindi magkakaroon ng anumang realidad ang mga tagasunod. Ang kakayahan at likas na pagkatao ng mga tagasunod ay natutukoy sa pagsilang at walang kaugnayan sa mga manggagawa, ngunit ang abot ng pang-unawa ng mga tagasunod sa katotohanan at pagkilala sa Diyos ay nakasalalay sa mga manggagawa (ganito lamang ito para sa ilang tao). Anuman ang isang manggagawa, magkakagayon din ang mga tagasunod na kanyang pinamumunuan. Ang ipinahahayag ng isang manggagawa ay ang kanyang sariling pagkatao, nang walang pasubali. Ang mga ipinagagawa niya sa mga sumusunod sa kanya ay yaong handa siya o kaya niyang gawin. Karamihan sa mga manggagawa ay ginagamit ang ginagawa nila mismo bilang batayan ng mga ipinagagawa nila sa kanilang mga tagasunod, kahit marami dito ang hindi man lamang magawa ng kanilang mga tagasunod—at yaong hindi magawa ng isang tao ay nagiging isang balakid sa kanyang pagpasok.

Mas kakaunti ang paglihis sa gawain ng mga nagdaan sa pagtatabas, pakikitungo, paghatol at pagkastigo, at ang pagpapahayag ng kanilang gawain ay mas lalong tumpak. Ang mga umaasa sa kanilang naturalesa sa gawain ay nakakagawa ng medyo malalaking pagkakamali. Ang gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto ay labis na nagpapahayag ng kanilang naturalesa, na nagiging isang malaking balakid sa gawain ng Banal na Espiritu. Gaano man kagaling ang kakayahan ng isang tao, kailangan din silang magdaan sa pagtatabas, pakikitungo, at paghatol bago nila magawa ang gawain ng tagubilin ng Diyos. Kung hindi pa sila dumaan sa gayong paghatol, ang kanilang gawain, gaano man kahusay ginawa, ay hindi maaaring umayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at palaging isang produkto ng kanilang sariling naturalesa at kabutihan bilang tao. Ang gawain ng mga nagdaan na sa pagtatabas, pakikitungo, at paghatol ay mas lalong tumpak kaysa sa gawain ng mga hindi pa natabasan, napakitunguhan, at nahatulan. Yaong mga hindi pa nagdaan sa paghatol ay walang ipinapahayag kundi ang laman at mga saloobin ng tao, na may kahalong maraming katalinuhan at likas na talento ng tao. Hindi ito ang tumpak na pagpapahayag ng tao sa gawain ng Diyos. Yaong mga sumusunod sa gayong mga tao ay inihaharap sa kanila ng kanilang likas na kakayahan. Dahil napakaraming ipinapahayag ng mga ito na kabatiran at karanasan ng tao, na halos walang kaugnayan sa orihinal na layunin ng Diyos at masyadong lihis dito, ang gawain ng ganitong uri ng tao ay hindi maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos, kundi sa halip ay dinadala sila sa harap ng tao. Kaya, ang mga hindi pa dumaan sa paghatol at pagkastigo ay hindi karapat-dapat na magsagawa ng gawaing tagubilin ng Diyos. Ang gawain ng isang karapat-dapat na manggagawa ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at pagkalooban sila ng mas malaking pagpasok sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibiduwal at hindi nakatali sa mga tuntunin, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, at binibigyan sila ng kakayahan na unti-unting lumago sa buhay at magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi karapat-dapat ay malayung-malayo. Ang kanyang gawain ay kalokohan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga tuntunin, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming tuntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang tuntunin na walang halaga. Ang gayong uri ng paggabay ay maaari lamang iligaw ng landas ang mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya; madadala ka niya tungo sa kung ano ang mayroon siya at ano siya. Upang matalos ng mga tagasunod kung karapat-dapat ang mga pinuno, ang mahalaga ay tumingin sa landas na kanilang tinatahak at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga tagasunod ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat mong makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng naiibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging hangal na tagasunod. May epekto ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo magawang kilalanin kung aling pamunuan ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilinlang. Lahat ng ito ay may tuwirang epekto sa iyong sariling buhay. Napakaraming naturalesa sa gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto; napakarami nitong kahalong kagustuhan ng tao. Ang kanilang pagkatao ay naturalesa—ang kanilang likas na pagkatao nang isilang. Hindi iyon buhay matapos mapakitunguhan o realidad matapos mabago. Paano masusuportahan ng gayong tao ang mga nagsisikap sa buhay? Ang buhay na orihinal na taglay ng tao ay ang kanyang likas na talino o talento. Ang ganitong uri ng talino o talento ay medyo malayo sa eksaktong mga hinihingi ng Diyos sa tao. Kung ang isang tao ay hindi pa nagawang perpekto at hindi pa natatabas o napapakitunguhan ang kanyang tiwaling disposisyon, magkakaroon ng malaking puwang sa pagitan ng kanyang ipinapahayag at ng katotohanan; ang kanyang ipinapahayag ay mahahaluan ng malalabong bagay, tulad ng kanyang imahinasyon at karanasan ng isang panig lamang. Bukod pa rito, paano man siya gumagawa, pakiramdam ng mga tao ay walang pangkalahatang layunin at walang katotohanang angkop para sa pagpasok ng lahat ng tao. Karamihan sa hinihingi sa mga tao ay hindi nila kayang gawin, na para bang mga pato sila na pinadadapo sa mga sanga. Ito ang gawain ng kagustuhan ng tao. Ang tiwaling disposisyon ng tao, kanyang mga saloobin, at kanyang mga kuru-kuro ay laganap sa lahat ng bahagi ng kanyang katawan. Ang tao ay hindi isinisilang na may likas na ugali na isagawa ang katotohanan, ni wala siyang likas na ugali na unawain nang tuwiran ang katotohanan. Idagdag pa riyan ang tiwaling disposisyon ng tao—kapag gumagawa ang ganitong uri ng natural na tao, hindi ba ito nakakagambala? Ngunit ang isang taong nagawang perpekto ay may karanasan sa katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, at kaalaman tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya nga ang malabo at di-totoong mga bagay sa kanyang gawain ay unti-unting nababawasan, nababawasan ang mga pagkahalo ng tao, at lalo pang napapalapit ang kanyang gawain at paglilingkod sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos. Sa gayon, nakapasok na ang kanyang gawain sa katotohanang realidad at naging makatotohanan na rin ang kanyang gawain. Ang mga saloobin sa isipan ng tao lalo na ay sagabal sa gawain ng Banal na Espiritu. Mayaman ang imahinasyon at makatwirang lohika ng tao, at nagkaroon na siya ng mahabang karanasan sa pangangasiwa sa mga kaganapan. Kung ang mga aspetong ito ng tao ay hindi dumaraan sa pagtatabas at pagwawasto, lahat ng ito ay mga balakid sa gawain. Samakatuwid, hindi maisasagawa ng gawain ng tao ang pinakamataas na antas ng katumpakan, lalo na ng gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto.

Ang gawain ng tao ay nananatili sa loob ng isang saklaw at limitado ito. Magagawa lamang ng isang tao ang gawain ng isang tiyak na yugto at hindi magagawa ang gawain ng buong kapanahunan—kung hindi, pamumunuan niya ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan. Ang gawain ng tao ay maaari lamang umangkop sa isang partikular na panahon o yugto. Ito ay dahil ang karanasan ng tao ay mayroong saklaw. Hindi maikukumpara ng isang tao ang gawain ng tao sa gawain ng Diyos. Ang mga paraan ng pagsasagawa ng tao at ang kanyang kaalaman tungkol sa katotohanan ay angkop lahat sa isang partikular na saklaw. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ganap na kalooban ng Banal na Espiritu, dahil maaari lamang liwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, at hindi maaaring ganap na mapuspos ng Banal na Espiritu. Lahat ng bagay na maaaring maranasan ng tao ay nasa saklaw ng normal na pagkatao at hindi maaaring lumampas sa saklaw ng mga saloobin ng normal na isipan ng tao. Lahat ng makapagsasabuhay sa katotohanang realidad ay dumaranas sa loob ng saklaw na ito. Kapag nararanasan nila ang katotohanan, palagi itong isang karanasan sa normal na buhay ng tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu; hindi ito isang paraan ng pagdanas na lihis mula sa normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanang niliwanagan ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kanilang pamumuhay bilang tao. Bukod pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng isang tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang normal na buhay ng isang taong naghahanap sa katotohanan, at maaari itong tawaging landas na tinahak ng isang normal na tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi niya masasabi na ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa normal na karanasan ng tao, dahil hindi pare-pareho ang mga taong naghahanap, hindi rin pare-pareho ang gawain ng Banal na Espiritu. Dagdag pa rito, dahil hindi pare-pareho ang mga sitwasyong nararanasan ng mga tao at ang mga saklaw ng kanilang karanasan, at dahil magkakahalo ang kanilang isipan at mga saloobin, halu-halo ang kanilang karanasan sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat tao ang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang indibiduwal na kundisyon. Ang pagkaunawa nila sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi ganap at iisa o ilang aspeto lamang nito. Ang saklaw ng katotohanang nararanasan ng tao ay nagkakaiba sa bawat tao ayon sa mga kundisyon ng bawat tao. Sa ganitong paraan, ang kaalaman tungkol sa iisang katotohanan, ayon sa ipinahayag ng iba’t ibang tao, ay hindi pare-pareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay laging may mga limitasyon at hindi maaaring lubos na kumatawan sa kalooban ng Banal na Espiritu, ni hindi mahihiwatigan ang gawain ng tao bilang gawain ng Diyos, kahit lubhang nakaayon ang ipinahayag ng tao sa kalooban ng Diyos, at kahit napakalapit ng karanasan ng tao sa pagpeperpektong isinasagawa ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maging lingkod ng Diyos ang tao, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalamang niliwanagan ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanang natamo mula sa kanyang mga personal na karanasan. Ang tao ay hindi karapat-dapat at hindi tumutugon sa mga kundisyon upang maging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatang magsabi na ang kanyang gawain ay gawain ng Diyos. Ang tao ay may mga prinsipyo ng tao sa paggawa, at lahat ng tao ay may iba’t ibang karanasan at iba-iba ang mga kundisyon. Kasama sa gawain ng tao ang lahat ng karanasan niya sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga karanasang ito ay maaari lamang kumatawan sa katauhan ng tao at hindi kumakatawan sa katauhan ng Diyos o sa kalooban ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, hindi masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ang landas na tinahak ng Banal na Espiritu, dahil ang gawain ng tao ay hindi maaaring kumatawan sa gawain ng Diyos, at ang gawain ng tao at karanasan ng tao ay hindi ang ganap na kalooban ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay madaling bumagsak sa mga panuntunan, at ang pamamaraan ng kanyang gawain ay madaling malimitahan ang saklaw, at hindi nagagawang akayin ang mga tao sa isang malayang daan. Karamihan sa mga tagasunod ay namumuhay sa loob ng isang limitadong saklaw, at ang paraan ng kanilang pagdanas ay limitado rin sa saklaw nito. Palaging limitado ang karanasan ng tao; ang pamamaraan ng kanyang gawain ay limitado rin sa iilang uri at hindi maikukumpara sa gawain ng Banal na Espiritu o sa gawain ng Diyos Mismo. Ito ay dahil ang karanasan ng tao, sa huli, ay limitado. Paano man gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi ito limitado ng mga panuntunan; paano man ito ginagawa, hindi ito limitado sa iisang pamamaraan. Walang anumang mga panuntunan sa gawain ng Diyos—lahat ng Kanyang gawain ay pinawalan at malaya. Gaano man karaming panahon ang ginugugol ng tao sa pagsunod sa Kanya, hindi niya mahahati sa maliliit na bahagi ang anumang mga batas na namamahala sa mga paraan ng paggawa ng Diyos. Bagama’t may prinsipyo ang Kanyang gawain, lagi itong ginagawa sa mga bagong paraan at laging may mga bagong nangyayari, at hindi ito kayang abutin ng tao. Sa iisang panahon, maaaring may ilang iba’t-ibang uri ng gawain at iba’t ibang paraan ang Diyos sa pamumuno sa mga tao, kaya laging may mga bagong pagpasok at pagbabago ang mga tao. Hindi mo mahihiwatigan ang mga batas ng Kanyang gawain dahil palagi Siyang gumagawa sa mga bagong paraan, at sa gayong paraan lamang hindi nalilimitahan ng mga panuntunan ang mga tagasunod ng Diyos. Ang gawain ng Diyos Mismo ay laging iniiwasan ang mga kuru-kuro ng mga tao at sinasalungat ang mga ito. Yaon lamang mga sumusunod at humahabol sa Kanya nang may tapat na puso ang maaaring mabago ang kanilang mga disposisyon at magagawang mamuhay nang malaya, nang hindi sumasailalim sa anumang mga panuntunan o napipigilan ng anumang mga relihiyosong kuru-kuro. Ang gawain ng tao ay maraming hinihiling sa mga tao batay sa kanyang sariling karanasan at kung ano ang maaari niya mismong makamtan. Ang pamantayan ng ganitong mga kinakailangan ay limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw, at napakalimitado rin ng mga pamamaraan ng pagsasagawa. Sa gayon ay hindi namamalayan ng mga tagasunod na namumuhay sila sa limitadong saklaw na ito; sa paglipas ng panahon, nagiging mga panuntunan at ritwal ang mga bagay na ito. Kung ang gawain ng isang panahon ay pinamunuan ng isang taong hindi pa dumaan sa personal na pagpeperpekto ng Diyos at hindi pa nakatanggap ng paghatol, lahat ng kanyang tagasunod ay magiging relihiyoso at eksperto sa paglaban sa Diyos. Samakatuwid, kung may isang karapat-dapat na pinuno, maaaring nagdaan na ang taong iyon sa paghatol at tumanggap na ng pagpeperpekto. Yaong mga hindi pa dumaan sa paghatol, kahit maaaring mayroon silang gawain ng Banal na Espiritu, ay malabo at hindi-totoong mga bagay lamang ang ipinapahayag. Sa paglipas ng panahon, aakayin nila ang mga tao tungo sa malabo at higit-sa-karaniwang mga panuntunan. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos ay hindi umaayon sa laman ng tao. Hindi iyon naaayon sa mga saloobin ng tao, kundi sumasalungat sa mga kuru-kuro ng tao; hindi ito nabahiran ng malalabong kulay ng relihiyon. Ang mga resulta ng gawain ng Diyos ay hindi maisasagawa ng isang taong hindi Niya nagawang perpekto; hindi iyon kayang abutin ng pag-iisip ng tao.

Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensyahan ng ilan sa kanilang katauhan. Nakatuon sila sa mga kaloob, kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon sa mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga tao na mangaral at gumawa, na nakakaragdag sa kaalaman ng mga tao at sa kanilang saganang mga relihiyosong doktrina. Hindi sila nagtutuon sa kung gaano nagbabago ang disposisyon ng mga tao ni kung gaano nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, at lalo nang hindi nila sinusubukang alamin ang normal at abnormal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila ibinubunyag ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila tinatabasan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hindi makatotohanan at ganap na hindi nagbibigay-buhay sa mga tao. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay pangangalaga sa talento, pangangalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa pagtatapos sa seminaryo na taglay ang maraming talento na paglaon ay humahayo upang gumawa at mamuno. May nahihiwatigan ka bang anumang mga batas sa anim na libong taon ng gawain ng Diyos? Maraming panuntunan at pagbabawal sa gawaing ginagawa ng tao, at masyadong dogmatiko ang utak ng tao. Sa gayon, ang ipinapahayag ng tao ay kaalaman at pagkatanto na nasa loob ng saklaw ng kanyang mga karanasan. Hindi magawang ipahayag ng tao ang anuman bukod dito. Ang mga karanasan at kaalaman ng tao ay hindi nanggagaling sa kanyang likas na mga kaloob o kanyang likas na ugali; lumalabas ang mga ito dahil sa patnubay at tuwirang pag-akay ng Diyos. Mayroon lamang kakayahan ang tao na tanggapin ang pag-akay na ito at walang kakayahan na maaaring tuwirang ipahayag kung ano ang pagka-Diyos. Hindi kaya ng tao na maging bukal; maaari lamang siyang maging isang sisidlan na tumatanggap ng tubig mula sa bukal. Ito ang likas na ugali ng tao, ang kakayahang dapat taglayin ng isang tao bilang tao. Kung mawala sa isang tao ang kakayahang tumatanggap sa salita ng Diyos at mawala ang likas na ugali ng tao, mawawala rin sa taong iyon ang pinakamahalaga, at mawawala ang tungkulin ng taong nilikha. Kung ang isang tao ay walang kaalaman o karanasan sa salita ng Diyos o sa Kanyang gawain, mawawala sa taong iyon ang kanyang tungkulin, ang tungkuling dapat niyang gampanan bilang isang nilikha, at mawawala ang dangal ng isang nilikha. Likas na ugali ng Diyos na ipahayag kung ano ang pagka-Diyos, ipinapahayag man ito sa katawang-tao o nang tuwiran sa pamamagitan ng Espiritu; ito ang ministeryo ng Diyos. Ipinapahayag ng tao ang kanyang sariling mga karanasan o kaalaman (ibig sabihin, ipinapahayag niya kung ano siya) sa panahon ng gawain ng Diyos o pagkatapos; ito ang likas na ugali at tungkulin ng tao, ito ang dapat isagawa ng tao. Bagama’t ang pagpapahayag ng tao ay malayung-malayo sa ipinapahayag ng Diyos, at bagama’t saklaw ng maraming panuntunan ang pagpapahayag ng tao, kailangang gampanan ng tao ang tungkuling dapat niyang gampanan at gawin ang kailangan niyang gawin. Dapat gawin ng tao ang lahat ng posibleng gawin ng tao upang magampanan ang kanyang tungkulin, at dapat ay wala siya ni katiting na pag-aatubili.

Matapos gumawa sa loob ng maraming taon, ibubuod ng tao ang karanasan ng maraming taon ng kanyang gawain, gayundin ang karunungan at mga panuntunang naipon niya. Alam ng isang taong nakagawa sa loob ng mahabang panahon kung paano pakiramdaman ang galaw ng gawain ng Banal na Espiritu; alam niya kung kailan gumagawa ang Banal na Espiritu at kung kailan hindi; alam niya kung paano makibahagi habang may pasanin; alam niya ang normal na kalagayan ng gawain ng Banal na Espiritu at ang normal na kalagayan ng paglago ng mga tao sa buhay. Siya ay isang taong gumawa na sa loob ng maraming taon at nalalaman ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga nakagawa sa mahabang panahon ay nagsasalita nang may katiyakan at hindi nagmamadali; kahit wala silang sasabihin, mahinahon sila. Sa kanilang kalooban, maaari silang patuloy na manalangin upang hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu. May karanasan sila sa paggawa. Ang isang taong nakagawa na sa loob ng mahabang panahon, na maraming karanasan at maraming aral na natutuhan, ay maraming taglay sa kalooban na humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu; ito ay isang depekto sa kanyang pangmatagalang gawain. Ang isang taong kasisimula pa lamang gumawa ay walang kahalong mga aral o karanasan ng tao at nalilito lalo na kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Gayunman, sa pag-usad ng gawain, unti-unti siyang natututong maramdaman kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu at nagkakaroon ng kamalayan kung ano ang gagawin upang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, ano ang gagawin upang tirahin mismo ang mga kahinaan ng iba, at iba pang gayong karaniwang kaalaman na dapat taglayin ng mga taong gumagawa. Sa paglipas ng panahon, nalalaman niya nang detalyado ang gayong karunungan at karaniwang kaalaman tungkol sa paggawa, at tila madali niyang ginagamit ito habang gumagawa. Gayunman, kapag binabago ng Banal na Espiritu ang paraan ng Kanyang paggawa, nakakapit pa rin siya sa dati niyang kaalaman sa paggawa at mga lumang panuntunan sa paggawa at kakaunti ang alam niya tungkol sa bagong paglago ng gawain. Ang mga taon ng paggawa at pagiging puspos ng presensya at patnubay ng Banal na Espiritu ay nagbibigay sa kanya ng mas maraming aral sa paggawa at mas maraming karanasan. Ang gayong mga bagay ay pinupuspos siya ng tiwala sa sarili na hindi kayabangan. Sa madaling salita, medyo nasisiyahan siya sa kanyang sariling gawain at kuntento sa karaniwang kaalamang nakamit niya tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu. Partikular na, ang gayong mga bagay na hindi nakamit o natanto ng ibang mga tao ay nagbibigay sa kanya nang higit pang tiwala sa sarili niya; tila ang gawain ng Banal na Espiritu sa loob niya ay hindi kailanman maglalaho, samantalang hindi karapat-dapat ang iba sa ganitong natatanging pagtrato. Tanging ang mga uri ng taong tulad niya na gumawa sa maraming taon at may mahalagang paggagamitan ang karapat-dapat na magtamasa rito. Ang ganitong mga bagay ay nagiging malaking hadlang sa kanyang pagtanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Kahit kaya niyang tanggapin ang bagong gawain, hindi iyon magagawa sa loob ng magdamag. Siguradong daraan siya sa maraming kumplikado at masalimuot na bagay bago tanggapin iyon. Ang sitwasyong ito ay maaari lamang baligtarin nang paunti-unti, pagkatapos mapakitunguhan ang dati niyang mga kuru-kuro at mahatulan ang dati niyang disposisyon. Kapag hindi siya nagdaan sa mga hakbang na ito, hindi siya sumusuko at madaling tumatanggap ng mga bagong turo at gawain na hindi naaayon sa dati niyang mga kuru-kuro. Ito ang pinakamahirap pakitunguhan sa tao, at hindi ito madaling baguhin. Kung, bilang isang manggagawa, nagagawa niyang magkamit kaagad ng pagkaunawa sa gawain ng Banal na Espiritu at ibuod ang mga paglago nito, at kung hindi siya mahigpitan ng kanyang mga karanasan sa paggawa at matatanggap niya ang bagong gawain dahil sa dating gawain, isa siyang matalinong tao at karapat-dapat na manggagawa. Kadalasan ay ganito ang mga tao: Gumagawa sila sa loob ng ilang taon nang hindi naibubuod ang kanilang karanasan sa paggawa, o, matapos ibuod ang kanilang karanasan at karunungan tungkol sa gawain, hinahadlangan sila mula sa pagtanggap ng bagong gawain at hindi nila mauunawaan nang maayos o matrato nang tama ang dati at bagong gawain. Talagang mahirap pamahalaan ang mga tao! Ganito ang karamihan sa inyo. Ang mga nakaranas na ng gawain ng Banal na Espiritu sa loob ng maraming taon ay nahihirapang tanggapin ang bagong gawain, at lagi silang puno ng mga kuru-kuro na hindi nila maisantabi, habang ang isang taong kasisimula pa lamang gumawa ay walang karaniwang kaalaman tungkol sa paggawa at hindi man lamang alam kung paano pangasiwaan ang ilan sa pinakamadadaling usapin. Talagang matigas ang ulo ninyong mga tao! Yaong mga may kaunting karanasan sa tungkulin ay napakayabang at hambog kaya nalimutan na nila ang kanilang pinanggalingan. Lagi nilang minamaliit ang mga nakababata, subalit hindi nila matanggap ang bagong gawain at maisuko ang mga kuru-kuro na natipon nila at naingatan sa paglipas ng mga taon. Bagama’t nagagawang tanggapin nang kaunti ng mga kabataang iyon na walang alam ang bagong gawain ng Banal na Espiritu at medyo masigasig sila, lagi silang nalilito at hindi nila alam kung ano ang gagawin kapag nagkakaroon ng mga problema. Masigasig sila ngunit walang alam. Kakaunti lamang ang alam nila tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu at hindi nila magamit ito sa kanilang buhay; walang silbing doktrina lamang ito. Napakaraming taong katulad ninyo; ilan ang akmang gamitin? Ilan ang maaaring sumunod sa kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu at makakayang umayon sa kalooban ng Diyos? Tila kayong naging mga tagasunod na hanggang ngayon ay naging masyadong masunurin, ngunit, ang totoo, hindi pa ninyo natatalikuran ang inyong mga kuru-kuro, naghahanap pa rin kayo sa Bibliya, na naniniwala sa kalabuan, o paiba-iba ng mga kuru-kuro. Walang sinuman na sumusuring mabuti sa tunay na gawain ngayon o mas inuunawa ito. Tinatanggap ninyo ang daan ngayon kasama ang inyong mga dating kuru-kuro. Ano ang mapapala ninyo sa gayong paniniwala? Masasabi na nakatago sa inyo ang maraming kuru-kuro na hindi pa naibubunyag, at na ginagawa lamang ninyo ang lahat para maitago ang mga iyon, nang hindi ibinubunyag ang mga iyon nang madali. Hindi ninyo tinatanggap ang bagong gawain nang taos-puso, at wala kayong planong isuko ang inyong mga dating kuru-kuro; napakarami ninyong pilosopiya sa pamumuhay, at napakahalaga ng mga iyon. Hindi ninyo isinusuko ang dati ninyong mga kuru-kuro at atubili kayong pakitunguhan ang bagong gawain. Napakasama ng puso ninyo, at hindi ninyo talaga sineseryoso ang mga hakbang ng bagong gawain. Magagawa ba ng mga waldas na katulad ninyo ang gawaing ipalaganap ang ebanghelyo? Magagawa ba ninyo ang gawaing ipalaganap ito sa buong sansinukob? Pinipigilan kayo ng mga gawi ninyong ito na baguhin ang inyong disposisyon at kilalanin ang Diyos. Kung magpapatuloy kayo nang ganito, nakatakda kayong maalis.

Dapat ninyong malaman kung paano alamin ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Ano ang makikita mo sa gawain ng tao? Napakaraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Ang sariling gawain ng Diyos ay nagpapahayag din kung ano Siya, ngunit ang Kanyang katauhan ay naiiba sa tao. Ang katauhan ng tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya sa pamumuhay), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang sitwasyon ay nagpapahayag ng iba’t ibang pagkatao. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa pakikisama. Alam na alam Niya ang pinakadiwa ng tao at maihahayag ang lahat ng klase ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng klase ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng mga tiwaling disposisyon at masuwaying pag-uugali ng mga tao. Hindi Siya namumuhay sa piling ng mga taong makamundo, ngunit alam Niya ang likas na pagkatao ng mga mortal at lahat ng katiwalian ng mga taong makamundo. Ito ang Kanyang pagiging Diyos. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang likas na pagkatao ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa pamumuhay at mga himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ang Kanyang pagiging Diyos, bukas sa mga tao at tago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi ang katauhan ng isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at pagkakakilanlan ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na hindi makatao at hindi nauunawaan ang mga kalakaran at buhay ng pagiging tao, ngunit maaari Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at abang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang pagiging Diyos, mas mataas kaysa katauhan ng kahit sinong tao na may laman at dugo. Para sa Kanya, hindi kailangang magdanas ng isang kumplikado, masalimuot, at nakaririmarim na pakikisama sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang pinakadiwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na pakikisama sa lipunan ay hindi humuhubog sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paghahayag ng kasamaan ng tao pagkatapos malaman ang pagsuway ng tao sa loob ng mahabang panahon at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Ang gawaing Kanyang ginagawa ay lahat para sa paghahayag ng Kanyang disposisyon sa tao at para ipahayag ang Kanyang pagiging Diyos. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring isagawa ng isang taong may laman at dugo. Mula sa Kanyang gawain, hindi masasabi ng tao kung anong klase Siya ng tao. Hindi rin kaya ng tao na uriin Siya bilang isang nilalang batay sa Kanyang gawain. Hindi rin Siya maaaring ituring na isang nilalang dahil sa Kanyang pagiging Diyos. Maaari lamang Siyang ituring ng tao na hindi isang tao, ngunit hindi niya alam kung saang kategorya Siya ilalagay, kaya napipilitan ang tao na ilagay Siya sa kategorya ng Diyos. Hindi kawalan ng katwiran na gawin ito ng tao, sapagkat napakaraming nagawang gawain ng Diyos sa mga tao na hindi kayang gawin ng tao.

Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan. Pinag-uusapan ng lahat ang kanilang personal na karanasan. Maipapahayag ng Diyos nang tuwiran ang katotohanan, samantalang maipapahayag lamang ng tao ang karanasang tumutugma sa kanyang pagdanas sa katotohanan. Ang gawain ng Diyos ay walang mga panuntunan at hindi sakop ng panahon o mga limitasyon ng heograpiya. Maipapahayag Niya kung ano Siya kahit kailan, kahit saan. Gumagawa Siya ayon sa gusto Niya. Ang gawain ng tao ay may mga kundisyon at konteksto; kung wala ang mga ito, hindi siya makakagawa at hindi niya maipapahayag ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos o ang kanyang karanasan sa katotohanan. Para masabi kung ang isang bagay ay sariling gawain ng Diyos o gawain ng tao, kailangan mo lamang ikumpara ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Kung walang gawaing ginawa ang Diyos Mismo at mayroon lamang gawain ng tao, malalaman mo lamang na ang mga turo ng tao ay mataas, higit sa kakayahan ng iba pa; ang tono ng kanilang pagsasalita, kanilang mga prinsipyo sa pamamahala sa mga bagay-bagay, at kanilang bihasa at matatag na paraan sa paggawa ay hindi kayang abutin ng iba. Hinahangaan ninyong lahat ang mga taong ito na malaki ang kakayahan at mataas ang kaalaman, ngunit hindi ninyo nakikita mula sa gawain at mga salita ng Diyos kung gaano kataas ang Kanyang pagkatao. Sa halip, Siya ay pangkaraniwan, at kapag gumagawa, Siya ay normal at tunay subalit hindi rin masukat ng mga mortal, kaya nga nagkaroon ang mga tao ng pusong may takot. Marahil ay partikular na maunlad ang karanasan ng isang tao sa kanyang gawain, o partikular na maunlad ang kanyang imahinasyon at pangangatwiran, at ang kanyang pagkatao ay partikular na mabuti; ang gayong mga katangian ay maaari lamang magkamit ng paghanga ng mga tao, ngunit hindi mapupukaw ang kanilang takoti at pangamba. Hinahangaan ng lahat ng tao yaong mga kayang gumawa nang mahusay, na may partikular na malalim na karanasan, at maaaring magsagawa ng katotohanan, ngunit hindi kaya ng gayong mga tao kailanman na pumukaw ng takot, kundi paghanga lamang at inggit. Ngunit ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay hindi humahanga sa Diyos; sa halip, pakiramdam nila ay hindi maaabot at maaarok ng tao ang Kanyang gawain, at ito ay bago at kamangha-mangha. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, ang una nilang kaalaman tungkol sa Kanya ay na Siya ay di-maarok, matalino, at kamangha-mangha, at hindi nila namamalayan na natatakot sila sa Kanya at nadarama nila ang hiwaga ng gawaing Kanyang ginagawa, na hindi maunawaan ng isip ng tao. Nais lamang ng mga tao na matugunan ang Kanyang mga kinakailangan, mabigyang-kasiyahan ang Kanyang mga hangarin; ayaw nilang malampasan Siya, dahil ang gawaing Kanyang ginagawa ay hindi abot ng isip at imahinasyon ng tao at hindi magagawa ng tao para sa Kanya. Kahit ang tao mismo ay hindi alam ang sarili niyang mga kakulangan, subalit nagbukas na ang Diyos ng isang bagong landas at naparito upang dalhin ang tao sa mas bago at mas magandang mundo, at sa gayon ay nakagawa ang sangkatauhan ng panibagong pagsulong at nagkaroon na ng bagong simula. Ang nadarama ng tao para sa Diyos ay hindi paghanga, o ang ibig Kong sabihin, hindi lamang paghanga. Ang kanilang pinakamalalim na karanasan ay takot at pagmamahal; ang pakiramdam nila ay na ang Diyos ay talagang kamangha-mangha. Gumagawa Siya ng gawaing hindi kayang gawin ng tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi kayang sabihin ng tao. Ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay laging mayroong di-maipaliwanag na damdamin. Ang mga taong may sapat na lalim ng karanasan ay nauunawaan ang pagmamahal ng Diyos; nadarama nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, na ang Kanyang gawain ay napakatalino, lubhang kamangha-mangha, at sa gayon ay nabubuo sa kanila ang walang-hanggang kapangyarihan. Hindi iyon takot o paminsan-minsang pagmamahal at paggalang, kundi isang malalim na pakiramdam ng habag at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Gayunman, ang mga taong nakaranas na ng Kanyang pagkastigo at paghatol ay nararamdaman ang Kanyang pagiging maharlika at na wala Siyang pinalalagpas na pagkakasala. Kahit ang mga taong nakaranas na ng marami sa Kanyang gawain ay hindi Siya maarok; alam ng lahat ng tunay na may takot sa Kanya na ang Kanyang gawain ay hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao kundi palaging sumasalungat sa kanilang mga kuru-kuro. Hindi Niya kailangang hangaan Siya nang lubusan ng mga tao o magpakita ng pagpapasakop sa Kanya; sa halip, dapat silang magkaroon ng tunay na takot at tunay na pagpapasakop. Sa karamihan ng Kanyang gawain, sinumang may tunay na karanasan ay nagkakaroon ng isang pusong may takot sa Kanya, na mas mataas kaysa paghanga. Nakita na ng mga tao ang Kanyang disposisyon dahil sa Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol, at sa gayon ay nagkakaroon sila ng pusong may takot sa Kanya. Ang Diyos ay nararapat katakutan at sundin, dahil ang Kanyang katauhan at Kanyang disposisyon ay hindi kapareho ng sa isang nilalang at mas mataas sa mga nilalang. Ang Diyos ay umiiral nang mag-isa at walang katapusan, at hindi Siya isang nilalang, at ang Diyos lamang ang karapat-dapat na katakutan at sundin; hindi karapat-dapat ang tao para dito. Kaya, lahat ng nakaranas na ng Kanyang gawain at tunay na nakakilala sa Kanya ay nagkakaroon ng pusong may takot sa Kanya. Gayunman, yaong mga ayaw bumitaw sa kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya—yaong mga talagang hindi Siya itinuturing na Diyos—ay walang pusong may takot sa Kanya, at bagama’t sumusunod sila sa Kanya, hindi sila nalupig; sila ay likas na masuwaying mga tao. Ang nais Niyang makamtan sa pamamagitan ng paggawa ng gayon ay para lahat ng nilalang ay magkaroon ng pusong may takot sa Lumikha, sumasamba sa Kanya, at nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan nang walang pasubali. Ito ang huling resultang nais makamit ng lahat ng Kanyang gawain. Kung lahat ng taong nakaranas na ng gayong gawain ay walang pusong may takot sa Diyos, kahit kaunti, at kung ang kanilang dating pagsuway ay hindi man lamang nagbabago, siguradong aalisin sila. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay para lamang hangaan Siya o magpakita ng paggalang sa Kanya mula sa malayo, at hindi para mahalin Siya kahit katiting, ito ang resultang naabot ng isang taong walang pusong nagmamahal sa Diyos, at wala sa taong iyon ang mga kalagayan para magawang perpekto. Kung hindi natamo ng napakaraming gawain ang tunay na pagmamahal ng isang tao, hindi pa nakamit ng taong iyon ang Diyos at hindi niya tunay na hinahanap ang katotohanan. Ang isang taong hindi mahal ang Diyos ay hindi mahal ang katotohanan at sa gayon ay hindi makakamit ang Diyos, lalong hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang gayong mga tao, paano man nila nararanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, at paano man nila nararanasan ang paghatol, ay hindi magawang magkaroon ng may takot sa Diyos na puso. Ito ay mga taong hindi mababago ang likas na pagkatao at napakasama ng mga disposisyon. Lahat ng walang pusong may takot sa Diyos ay palalayasin, upang maging mga pakay ng kaparusahan, at maparusahan tulad ng mga gumagawa ng kasamaan, upang magdusa nang higit pa kaysa sa mga nakagawa ng masasamang bagay.

Sinundan: Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Sumunod: Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 9

Sa imahinasyon ng mga tao, ang Diyos ay Diyos, at ang mga tao ay mga tao. Hindi nagsasalita ang Diyos ng wika ng tao, ni hindi kaya ng mga...

Kabanata 22 at 23

Ngayon, handa ang lahat na intindihin ang kalooban ng Diyos at alamin ang disposisyon ng Diyos, subalit walang nakakaalam kung bakit wala...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messnger