Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Ang gawain ng Diyos sa gitna ng mga tao ay hindi maihihiwalay sa tao, dahil ang tao ay ang layon ng gawaing ito, at ang tanging nilikha ng Diyos na kayang magpatotoo sa Diyos. Ang buhay ng tao at ang lahat ng gawain ng tao ay hindi maihihiwalay sa Diyos, at kinokontrol lahat ng mga kamay ng Diyos, at masasabi pa na walang tao ang maaaring umiral nang hiwalay sa Diyos. Walang maaaring magkaila nito, dahil ito ay isang katunayan. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakinabangan ng sangkatauhan, at nakatuon laban sa mga pakana ni Satanas. Ang lahat ng kailangan ng tao ay nanggagaling sa Diyos, at ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao. Kaya, ang tao ay sadyang hindi kayang mawalay sa Diyos. Ang Diyos, higit pa rito, ay hindi nagkaroon kailanman ng hangaring mawalay sa tao. Ang gawain na ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, at ang mga iniisip Niya ay laging mabuti. Kung gayon, para sa tao, ang gawain ng Diyos at ang mga iniisip ng Diyos (ibig sabihin, ang kalooban ng Diyos) ay kapwa “mga pangitain” na dapat malaman ng tao. Ang gayong mga pangitain ay ang pamamahala rin ng Diyos, at gawain na hindi kayang magawa ng tao. Samantala, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao sa panahon ng Kanyang gawain ay tinatawag na “pagsasagawa” ng tao. Ang mga pangitain ay ang gawain ng Diyos Mismo, o ang kalooban Niya para sa sangkatauhan o ang mga layunin at kahalagahan ng gawain Niya. Ang mga pangitain ay masasabi ring bahagi ng pamamahala, dahil ang pamamahalang ito ay ang gawain ng Diyos, at ito ay nakatuon sa tao, na nangangahulugang ito ang gawain na ginagawa ng Diyos sa gitna ng mga tao. Ang gawaing ito ang patunay at ang daan kung saan nakikilala ng tao ang Diyos, at ito ay napakahalaga para sa tao. Kung sa halip na magbigay-pansin sa pagkilala sa gawain ng Diyos ay nagbibigay-pansin lamang ang mga tao sa mga doktrina ng paniniwala sa Diyos, o sa mabababaw at di-mahahalagang detalye, sadyang hindi nila makikilala ang Diyos, at, higit pa rito, hindi sila magiging kaayon ng puso ng Diyos. Ang gawain ng Diyos na lubhang makatutulong sa pagkakilala ng tao sa Diyos ay tinatawag na mga pangitain. Ang mga pangitaing ito ang gawain ng Diyos, ang kalooban ng Diyos, at ang mga layunin at kahalagahan ng gawain ng Diyos; ang lahat ng ito ay kapaki-pakinabang sa tao. Ang pagsasagawa ay tumutukoy sa kung ano ang dapat gawin ng tao, yaong dapat gawin ng mga nilalang na sumusunod sa Diyos, at ito ay tungkulin din ng tao. Kung ano ang dapat na gawin ng tao ay hindi isang bagay na naunawaan ng tao mula sa pinakasimula, kundi mga hinihingi ng Diyos sa tao sa panahon ng gawain Niya. Ang mga hinihinging ito ay unti-unting lumalalim at tumataas habang gumagawa ang Diyos. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, kinailangang sundin ng tao ang batas, at sa Kapanahunan ng Biyaya, kinailangang pasanin ng tao ang krus. Iba ang Kapanahunan ng Kaharian: Ang mga hinihingi sa tao ay mas matataas kaysa sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Habang ang mga pangitain ay mas tumataas, ang mga hinihingi sa tao ay lalo pang tumataas, at lalo pang lumilinaw at nagiging mas totoo. Gayon din, ang mga pangitain ay lalo’t lalong nagiging mas totoo. Ang maraming totoong pangitaing ito ay hindi lamang kapaki-pakinabang sa pagsunod ng tao sa Diyos, kundi, higit pa rito, ay kapaki-pakinabang sa kanyang pagkakilala sa Diyos.
Kung ihahambing sa mga nakalipas na kapanahunan, ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian ay mas praktikal, mas nakatuon sa diwa ng tao at sa mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at mas nakapagpapatotoo sa Diyos Mismo para sa lahat ng sumusunod sa Kanya. Sa madaling salita, noong Kapanahunan ng Kaharian, habang Siya ay gumagawa, mas ipinamamalas ng Diyos ang Sarili Niya sa tao kaysa sa iba pang panahon sa nakalipas, nangangahulugan na ang mga pangitain na nararapat malaman ng tao ay mas mataas kaysa sa anumang nakalipas na kapanahunan. Dahil ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay pumasok na sa isang larangang hindi pa napasok noon, ang mga pangitaing nalalaman ng tao sa Kapanahunan ng Kaharian ang pinakamataas sa lahat ng gawaing pamamahala. Ang gawain ng Diyos ay pumasok na sa hindi pa napasok na larangan, kaya’t ang mga pangitain na malalaman ng tao ay naging ang pinakamataas sa lahat ng pangitain, at ang naibungang pagsasagawa ng tao ay mas mataas din kaysa sa anumang nakalipas na kapanahunan, dahil ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago alinsunod sa mga pangitain, at ang pagkaperpekto ng mga pangitain ay tanda rin ng pagkaperpekto ng mga hinihingi sa tao. Sa sandaling ang lahat ng pamamahala ng Diyos ay huminto, gayundin hihinto ang pagsasagawa ng tao, at kung wala ang gawain ng Diyos, walang magagawa ang tao kundi ang manatili sa doktrina ng nakalipas, kung hindi ay wala na siyang mababalingan. Kung walang mga bagong pangitain, walang magiging bagong pagsasagawa ang tao; kung walang ganap na mga pangitain, walang magiging perpektong pagsasagawa ang tao; kung walang mas mataas na mga pangitain, walang magiging mas mataas na pagsasagawa ang tao. Ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago ayon sa mga yapak ng Diyos, at, gayundin, ang kaalaman at karanasan ng tao ay nagbabago rin ayon sa gawain ng Diyos. Gaano man kahusay ang tao, hindi pa rin siya maihihiwalay sa Diyos, at kung hihinto sa paggawa ang Diyos kahit isang saglit, agad na mamamatay ang tao mula sa Kanyang galit. Walang maipagyayabang ang tao, dahil gaano man kataas ang kaalaman ng tao ngayon, gaano man kalalim ang kanyang mga karanasan, hindi siya maihihiwalay sa gawain ng Diyos—dahil ang pagsasagawa ng tao, at yaong dapat niyang hanapin sa kanyang paniniwala sa Diyos, ay hindi maihihiwalay sa mga pangitain. Sa bawat pagkakataon ng gawain ng Diyos, mayroong mga pangitaing dapat malaman ng tao, at, kasunod ng mga ito, mayroong mga angkop na hinihingi sa tao. Kung wala ang mga pangitaing ito bilang saligan, sadyang hindi kayang magsagawa ng tao, at hindi rin magagawang lubos na sumunod sa Diyos. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos o hindi niya nauunawaan ang Kanyang kalooban, lahat ng ginagawa ng tao ay walang kabuluhan, at hindi masasang-ayunan ng Diyos. Gaano man kasagana ang mga kaloob sa tao, hindi pa rin siya maihihiwalay sa gawain at sa patnubay ng Diyos. Gaano man kabuti o karami ang mga pagkilos ng tao, hindi pa rin mapapalitan ng mga ito ang gawain ng Diyos. Kaya, anuman ang kalagayan, hindi maihihiwalay ang pagsasagawa ng tao mula sa mga pangitain. Ang mga hindi tumatanggap sa mga bagong pangitain ay walang bagong pagsasagawa. Ang kanilang pagsasagawa ay walang kaugnayan sa katotohanan dahil sumusunod sila sa mga doktrina at nananatili sa walang-buhay na batas; wala sila ni anumang bagong pangitain, at bilang kinalabasan, wala silang isinasagawa sa bagong kapanahunan. Naiwala na nila ang mga pangitain, at dahil dito, naiwala na rin nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at ang katotohanan. Yaong mga walang katotohanan ay mga anak ng kahangalan, at sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Anumang uri ang isang tao, hindi maaaring wala siyang pangitain sa gawain ng Diyos, at hindi maaaring mawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu; sa sandaling maiwala ng isa ang mga pangitain, agad-agad siyang bumababa sa Hades at namumuhay sa gitna ng kadiliman. Ang mga taong walang pangitain ay yaong mga sumusunod sa Diyos nang may kahangalan, sila yaong mga salat sa gawain ng Banal na Espiritu, at namumuhay sila sa impiyerno. Ang ganoong mga tao ay hindi naghahangad na matamo ang katotohanan, kundi isinasabit ang pangalan ng Diyos na tila isang karatula. Yaong mga hindi nakakaalam ng gawain ng Banal na Espiritu, na hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao, na hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain sa kabuuan ng pamamahala ng Diyos—hindi nila alam ang mga pangitain, kaya’t sila ay walang katotohanan. At hindi ba’t yaong mga hindi nagtataglay ng katotohanan ay mga gumagawa lahat ng kasamaan? Yaong mga handang isagawa ang katotohanan, handang hanapin ang pagkakilala sa Diyos, at tunay na nakikipagtulungan sa Diyos ay mga taong ginagamit ang mga pangitain bilang saligan. Sila ay sinasang-ayunan ng Diyos dahil sila ay nakikipagtulungan sa Diyos, at ang pakikipagtulungang ito ang dapat isagawa ng tao.
Naglalaman ang mga pangitain ng maraming landas sa pagsasagawa. Ang mga praktikal na hinihingi sa tao ay nilalaman din ng mga pangitain, gayundin ang gawain ng Diyos na kailangang malaman ng tao. Sa nakalipas, sa panahon ng mga natatanging pagtitipon o maringal na mga pagtitipon na ginanap sa iba’t ibang lugar, iisang aspeto lamang ng landas ng pagsasagawa ang pinag-usapan. Ang pagsasagawang iyon ay yaong isasagawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at walang masyadong kaugnayan sa pagkakilala sa Diyos, dahil ang pangitain ng Kapanahunan ng Biyaya ay ang pangitain lamang ng pagkakapako sa krus ni Jesus, at walang mga pangitain na higit pa rito. Wala nang dapat malaman ang tao maliban sa gawain ng Kanyang pagtubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus, kaya’t sa Kapanahunan ng Biyaya ay wala nang iba pang pangitain na kailangang malaman ng tao. Sa ganitong paraan, mayroon lamang katiting na pagkakilala ang tao sa Diyos, at bukod sa kaalaman tungkol sa pag-ibig at awa ni Jesus, mayroon lamang iilang payak at kahabag-habag na mga bagay para isagawa niya, mga bagay na napakalayo sa ngayon. Noong nakalipas, anumang paraan ang ginamit sa kanyang pagtitipon, walang kakayahan ang tao na mangusap tungkol sa praktikal na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, at lalong hindi malinaw na nasabi ninuman kung aling landas ng pagsasagawa ang pinakaangkop na pasukin ng tao. Nagdagdag lamang ang tao ng ilang payak na detalye sa saligan ng pagtitimpi at pagtitiis; sadyang walang pagbabago sa diwa ng kanyang pagsasagawa, dahil sa parehong kapanahunan ay hindi gumawa ang Diyos ng anumang mas bagong gawain, at ang tanging hiningi Niya sa tao ay ang pagtitimpi at pagtitiis, o pagpasan ng krus. Maliban sa gayong mga pagsasagawa, walang mas mataas na mga pangitain kaysa sa pagkakapako sa krus ni Jesus. Sa nakalipas, walang binanggit na ibang mga pangitain dahil hindi gumawa ng maraming gawain ang Diyos, at dahil kaunti lamang ang Kanyang mga hiningi sa tao. Sa paraang ito, anuman ang ginawa ng tao, hindi niya nagawang labagin ang mga hangganang ito, mga hangganan na iilan lamang na payak at mababaw na mga bagay na dapat isagawa ng tao. Ngayon ay Aking sinasalita ang iba pang mga pangitain dahil ngayon, mas marami nang gawain ang nagawa, gawain na ilang ulit na nakahihigit sa Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Ang mga hinihingi sa tao ay ilang ulit din na mas mataas kaysa sa mga nakalipas na kapanahunan. Kung walang kakayahan ang tao na lubusang malaman ang gawaing iyon, hindi ito magtataglay ng malaking kahalagahan; maaaring sabihin na mahihirapan ang tao na lubos na malaman ang ganoong gawain kung hindi siya naglalaan ng buong buhay na pagsisikap para dito. Sa gawain ng panlulupig, kung ang pag-uusapan lamang ay ang landas ng pagsasagawa, magiging imposibleng lupigin ang tao. Magiging imposible ring lupigin ang tao sa pagsasalita lamang tungkol sa mga pangitain, nang walang anumang mga hinihingi sa tao. Kung ang landas ng pagsasagawa lamang ang napag-usapan, magiging imposible na patamaan ang nakamamatay na kahinaan ng tao, o na iwaksi ang mga kuru-kuro ng tao, at magiging imposible rin na lubusang lupigin ang tao. Ang mga pangitain ang pangunahing kagamitan sa paglupig sa tao, ngunit kung walang landas ng pagsasagawa bukod sa mga pangitain, walang magiging daan upang makasunod ang tao, at lalong wala siyang magiging anumang paraan ng pagpasok. Ito na ang naging prinsipyo ng gawain ng Diyos mula sa simula hanggang sa katapusan: Sa mga pangitain ay mayroong maaaring maisagawa, at mayroon ding mga pangitain bukod pa sa pagsasagawa. Ang antas ng mga pagbabago kapwa sa buhay ng tao at sa kanyang disposisyon ay kasama sa mga pagbabago sa mga pangitain. Kung aasa lamang ang tao sa sarili niyang mga pagsisikap, magiging imposible para sa kanya na makatamo ng kahit na anumang malaking antas ng pagbabago. Ang mga pangitain ay tumutukoy sa gawain ng Diyos Mismo at sa pamamahala ng Diyos. Ang pagsasagawa ay tumutukoy sa landas ng pagsasagawa ng tao, at sa paraan ng pag-iral ng tao; sa buong pamamahala ng Diyos, ang kaugnayan sa pagitan ng mga pangitain at ng pagsasagawa ay ang kaugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Kapag inalis ang mga pangitain, o kung ang mga ito ay binanggit nang hindi pinag-uusapan ang pagsasagawa, o kung mayroon lamang mga pangitain at inalis ang pagsasagawa ng tao, ang gayong mga bagay ay hindi maituturing na pamamahala ng Diyos, at lalo nang hindi masasabi na ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan; sa ganitong paraan, hindi lamang maaalis ang tungkulin ng tao, kundi ito ay magiging pagtanggi sa layunin ng gawain ng Diyos. Kung, mula sa simula hanggang sa katapusan, hiningi lamang sa tao na magsagawa, nang walang nakapaloob na gawain ng Diyos, at, higit pa rito, kung hindi hiningi sa tao na alamin ang gawain ng Diyos, lalong hindi matatawag ang gayong gawain na pamamahala ng Diyos. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, at walang alam sa kalooban ng Diyos, at bulag na nagsagawa sa isang magulo at malabong paraan, hindi siya kailanman magiging lubos na katanggap-tanggap na nilalang. Kaya, ang dalawang bagay na ito ay parehong di-maaaring mawala. Kung ang mayroon lamang ay ang gawain ng Diyos, na ibig sabihin, kung ang mayroon lamang ay ang mga pangitain at wala ang pakikipagtulungan o pagsasagawa ng tao, ang gayong mga bagay ay hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Kung ang mayroon lamang ay ang pagsasagawa at ang pagpasok ng tao, gaano pa man kataas ang landas na pinasukan ng tao, ito rin ay hindi magiging katanggap-tanggap. Ang pagpasok ng tao ay kailangang unti-unting magbago kasabay ng gawain at mga pangitain; hindi ito maaaring magbago kung kailan gusto. Ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng tao ay hindi malaya at di-napipigilan, kundi may mga hangganan. Ang mga ganoong prinsipyo ay unti-unting nagbabago ayon sa mga pangitain ng gawain. Samakatuwid, ang pamamahala ng Diyos sa kahuli-hulihan ay nakabatay sa gawain ng Diyos at pagsasagawa ng tao.
Ang gawaing pamamahala ay umiral lamang dahil sa sangkatauhan, na nangangahulugang lumitaw lamang ito dahil sa pag-iral ng sangkatauhan. Walang pamamahala bago ang sangkatauhan, o sa pasimula, nang ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay ay nilikha. Kung, sa buong gawain ng Diyos, ay walang pagsasagawa na kapaki-pakinabang sa tao, na ang ibig sabihin, kung ang Diyos ay hindi gumawa ng mga angkop na mga kinakailangan sa tiwaling sangkatauhan (kung, sa gawaing ginawa ng Diyos, ay walang angkop na landas para sa pagsasagawa ng tao), kung gayon ang gawaing ito ay hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Kung ang kabuuan ng gawain ng Diyos ay kinapapalooban lamang ng pagsasabi sa tiwaling sangkatauhan kung paano nila gagampanan ang kanilang pagsasagawa, at hindi isinakatuparan ng Diyos ang alinman sa Kanyang sariling plano, at hindi nagpamalas ng kahit katiting ng Kanyang walang-hanggang kapangyarihan o karunungan, kung gayon gaano man kataas ang mga kinakailangan ng Diyos sa tao, gaano man katagal namuhay ang Diyos kasama ng tao, walang malalaman ang tao tungkol sa disposisyon ng Diyos; kung ito ang kalagayan, ang ganitong uri ng gawain ay mas lalong hindi karapat-dapat na tawaging pamamahala ng Diyos. Sa madaling salita, ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay gawaing ginagawa ng Diyos, at ang lahat ng gawain na isinasakatuparan niyaong mga nakamit ng Diyos sa ilalim ng Kanyang paggabay. Ang ganoong gawain ay maaaring ibuod bilang pamamahala. Sa madaling salita, ang gawain ng Diyos sa tao, gayundin ang pakikipagtulungan sa Kanya ng lahat ng sumusunod sa Kanya ay maaaring tawaging lahat na pamamahala. Dito, ang gawain ng Diyos ay tinatawag na mga pangitain, at ang pakikipagtulungan ng tao ay tinatawag na pagsasagawa. Habang tumataas ang gawain ng Diyos (iyon ay, kung gaano kataas ang mga pangitain), higit na nagagawang malinaw sa tao ang disposisyon ng Diyos, at higit na kasalungat ito ng mga kuru-kuro ng mga tao, at higit na nagiging mataas ang pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Habang higit na tumataas ang mga hinihingi sa tao, higit na nagiging kasalungat ng mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, at bilang bunga nito ang mga pagsubok sa tao, at ang mga pamantayang hinihingi sa kanya na maabot, ay tumataas din. Sa pagtatapos ng gawaing ito, ang lahat ng pangitain ay naging ganap na, at yaong kinakailangan na isagawa ng tao ay mararating ang rurok ng kasakdalan. Ito rin ang magiging panahon kung kailan ang lahat ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri, sapagka’t yaong dapat malaman ng tao ay maipapakita sa tao. Kaya’t kapag naabot ng mga pangitain ang kasukdulan, ang gawain ay malapit na ring matatapos, at maaabot din ng pagsasagawa ng tao ang tugatog nito. Ang pagsasagawa ng tao ay batay sa gawain ng Diyos, at ang pamamahala ng Diyos ay lubos na naihahayag lamang dahil sa pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Ang tao ang pantawag-pansin ng gawain ng Diyos, at ang layon ng gawain ng lahat ng pamamahala ng Diyos, at ang bunga rin ng buong pamamahala ng Diyos. Kung mag-isang gumawa ang Diyos, at wala ang pakikipagtulungan ng tao, kung gayon walang magsisilbing pagbubuu-buo ng Kanyang buong gawain, at pagkaraan, walang magiging bahagya mang kabuluhan sa pamamahala ng Diyos ni katiting man. Maliban pa sa gawain ng Diyos, tanging sa pamamagitan lamang ng pagpili ng angkop na mga bagay para magpahayag ng Kanyang gawain at magpatunay sa walang-hanggang kapangyarihan nito maaaring makamit ang layunin ng pamamahala Niya, at makamit ang layunin ng paggamit ng lahat ng gawaing ito upang ganap na talunin si Satanas. Samakatwid, ang tao ay isang bahagi na hindi maaaring mawala sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang tao lamang ang makakagawa sa pamamahala ng Diyos na magbunga at makamit ang sukdulan nitong layunin; Bukod sa tao, walang ibang anyo ng buhay ang makagaganap sa ganoong papel. Kung ang tao ang magiging tunay na pagkakabuu-buo ng gawaing pamamahala ng Diyos, kung gayon ang hindi pagsunod ng tiwaling sangkatauhan ay kailangang lubos na mawala. Kailangang bigyan ang tao ng pagsasagawa na angkop sa iba’t ibang panahon, at na ang Diyos ay nagsasagawa ng katumbas na gawain sa gitna ng tao. Tanging sa paraang ito makakamtan sa kahuli-hulihan ang isang kalipunan ng tao na siyang pagkakabuu-buo ng gawaing pamamahala ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay hindi maaaring magpatotoo sa Diyos Mismo sa pamamagitan lamang ng gawain ng Diyos; upang makamit, ang mga ganoong patotoo ay nangangailangan din ng mga buhay na tao na angkop sa Kanyang gawain. Gagawa muna ang Diyos sa mga taong ito, na kung saan sa pamamagitan nila ang Kanyang gawain ay maihahayag, kaya ang gayong patotoo sa Kanyang kalooban ay matataglay sa gitna ng mga nilalang, at dito, makakamtan ng Diyos ang layunin ng Kanyang gawain. Hindi mag-isang gumagawa ang Diyos upang matalo si Satanas dahil hindi Niya kayang tuwirang magpatotoo para sa sarili Niya sa gitna ng lahat ng nilalang. Kung ito ay gagawin Niya, magiging imposible na lubusang hikayatin ang tao, kaya nararapat na gumawa ang Diyos sa tao upang siya ay lupigin, at saka lamang Siya magkakamit ng patotoo sa gitna ng lahat ng nilalang. Kung ang Diyos lamang ang gagawa, wala ang pakikipagtulungan ng tao, o kung hindi inatasan ang tao na makipagtulungan, kung gayon hindi magagawang makilala ng tao ang disposisyon ng Diyos, at magpakailanmang magiging walang kamalayan sa kalooban ng Diyos; ang gawain ng Diyos sa gayon ay hindi matatawag na gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung magsisikap lamang ang tao mismo, at maghahanap, at gagawa nang maigi, nang hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, kung gayon, kalokohan lang ang gagawin ng tao. Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, yaong ginagawa ng tao ay kay Satanas, siya ay suwail at gumagawa ng masama; naihahayag si Satanas sa lahat ng ginagawa ng tiwaling sangkatauhan, at walang anumang kaayon sa Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng tao ay pagpapakita ni Satanas. Wala sa lahat ng nasabi na ang para lamang sa mga pangitain at pagsasagawa. Sa saligan ng mga pangitain, hinahanap ng tao ang pagsasagawa at ang landas ng pagsunod, nang sa gayon ay maisaisantabi niya ang kanyang mga kuru-kuro at makakamit yaong mga bagay na hindi pa niya nataglay sa nakalipas. Kinakailangan ng Diyos na makipagtulungan ang tao sa Kanya, na ang tao ay ganap na magpasakop sa Kanyang mga kinakailangan, at hinihingi ng tao na mamasdan ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo, upang maranasan ang kapangyarihan ng Diyos, at malaman ang disposisyon ng Diyos. Ang mga ito, sa kabuuan, ay ang pamamahala ng Diyos. Ang pagsasanib ng Diyos at ng tao ay ang pamamahala, at ito ang pinakadakilang pamamahala.
Yaong kinapapalooban ng mga pangitain ay pangunahing tumutukoy sa gawain ng Diyos Mismo, at yaong kinapapalooban ng pagsasagawa ay dapat magawa ng tao, at walang anupamang kaugnayan sa Diyos. Ang gawain ng Diyos ay tinatapos ng Diyos Mismo, at ang pagsasagawa ng tao ay kinakamit ng tao mismo. Ang mga nararapat magawa ng Diyos Mismo ay hindi kailangang gawin ng tao, at ang dapat isagawa ng tao ay walang kaugnayan sa Diyos. Ang gawain ng Diyos ay ang Kanyang sariling ministeryo, at walang kaugnayan sa tao. Ang gawaing ito ay hindi kailangang gawin ng tao, at, higit sa lahat, hindi makakayang gawin ng tao ang gawain na gagawin ng Diyos. Yaong kinakailangang isagawa ng tao ay dapat magawa ng tao, kung ito man ay ang pagbibigay ng kanyang buhay, o ang paghahatid ng kanyang sarili kay Satanas upang maging patotoo—ang lahat ng ito ay dapat magawa ng tao. Tinatapos ng Diyos Mismo ang lahat ng gawain na nararapat Niyang gawin, at ang nararapat gawin ng tao ay ipinakikita sa tao, at ang mga natitirang gawain ay iniiwan sa tao upang gawin. Hindi gumagawa ang Diyos ng karagdagang gawain. Ginagawa Niya lamang ang gawain na sakop ng ministeryo Niya, at ipinakikita lamang sa tao ang daan, at ginagawa lamang ang gawain ng pagbubukas ng daan, at hindi ginagawa ang gawain ng paghahanda ng daan; dapat itong maunawaan ng lahat. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at ang lahat ng ito ay tungkulin ng tao, na kailangang gawin ng tao, at walang anupamang kinalaman sa Diyos. Kung hinihiling ng tao na ang Diyos ay magdanas din ng pasakit at pagpipino sa katotohanan, katulad nang sa tao, kung gayon ang tao ay nagiging suwail. Ang gawain ng Diyos ay ang gampanan ang Kanyang ministeryo, at ang tungkulin ng tao ay ang sundin ang lahat ng paggabay ng Diyos, nang walang anumang paglaban. Yaong kailangang kamtin ng tao ay nararapat niyang tuparin, hindi alintana kung paano gumagawa o nabubuhay ang Diyos. Ang Diyos Mismo lamang ang maaaring magtalaga ng kinakailangan sa tao, na ibig sabihin, ang Diyos Mismo lamang ang naaangkop na magtalaga ng mga kinakailangan sa tao. Hindi dapat magkaroon ng anumang pagpili ang tao at walang dapat gawin kundi ang lubos na magpasakop at magsagawa; ito ang damdaming dapat taglayin ng tao. Sa sandaling matapos ang gawain ng Diyos Mismo, kailangan ng tao na ito ay maranasan, isa-isang hakbang. Kung, sa katapusan, kapag ang lahat ng pamamahala ng Diyos ay natapos na, at hindi pa rin nagawa ng tao yaong mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon dapat parusahan ang tao. Kung hindi tinutugunan ng tao ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon ito ay dahil sa hindi pagsunod ng tao; hindi ito nangangahulugan na ang Diyos ay hindi naging masusi sa Kanyang gawain. Ang lahat niyaong hindi maisasagawa ang salita ng Diyos, yaong mga hindi makakatupad sa mga kinakailangan ng Diyos, at yaong mga hindi makakapagbigay ng kanilang katapatan at makatupad sa kanilang mga tungkulin ay maparurusahang lahat. Ngayon, kung ano ang kinakailangan sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gampanan man lamang ang inyong tungkulin, o magawa ito nang mainam, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t sinusuyo ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at mga posibilidad? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang katapatan, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang katapatan sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng kapahamakan? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga kinakailangan Niya ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat. Narating na ng mga salitang sinabi sa inyo ang kaibuturan ng inyong diwa, at nakapasok na ang gawain ng Diyos sa larangang hindi pa nito napapasok. Maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa totoo o sa kasinungalingan ng daan na ito; sila ay naghihintay pa rin at nagmamasid, at hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Sa halip, sinusuri nila ang bawat salita at kilos ng Diyos, sila ay nagtutuon ng pansin sa kung ano ang kinakain at isinusuot Niya, at ang kanilang mga kuru-kuro ay nagiging mas nakalulungkot. Hindi ba’t ang mga taong ganoon ay nababahala sa wala? Paanong mangyayari na ang mga taong iyon ay sila ring naghahangad sa Diyos? At paanong magiging sila ang mayroong intensiyong magpasakop sa Diyos? Isinasantabi nila ang kanilang katapatan at tungkulin sa kanilang mga isipan, at sa halip ay pinagtutuunan ng pansin ang mga kinaroroonan ng Diyos. Sila ay mga lapastangan! Kung naunawaan na ng tao ang lahat ng dapat niyang maunawaan, at naisagawa na ang lahat ng dapat niyang isagawa, kung gayon, ang Diyos ay tiyak na magkakaloob ng Kanyang mga pagpapala sa tao, sapagka’t yaong mga kinakailangan Niya sa tao ay ang tungkulin ng tao, at yaong dapat na gawin ng tao. Kung walang kakayahan ang tao na abutin kung ano ang dapat niyang maunawaan at walang kakayahan na isagawa ang dapat niyang isagawa, kung gayon ang tao ay maparurusahan. Yaong mga hindi nakikipagtulungan sa Diyos ay may galit sa Diyos, yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ay laban dito, kahit pa ang mga taong iyon ay hindi gumagawa niyaong lantad na paglaban dito. Ang lahat ng hindi nagsasagawa ng katotohanan na iniatas ng Diyos ay ang mga taong sinasadyang lumaban at hindi sumusunod sa mga salita ng Diyos, kahit pa ang mga taong ito ay nagbibigay ng natatanging pansin sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na hindi sumusunod sa mga salita ng Diyos at hindi nagpapasakop sa Diyos ay mga mapanghimagsik, at kinakalaban nila ang Diyos. Ang mga taong hindi gumaganap sa kanilang tungkulin ay silang hindi nakikipagtulungan sa Diyos, at ang mga taong hindi nakikipagtulungan sa Diyos ay ang mga hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu.
Kapag naaabot ng gawain ng Diyos ang isang tiyak na punto, at ang pamamahala Niya ay nakaaabot sa isang tiyak na punto, ang mga malapit sa Kanyang puso ay lahat may kakayahang tuparin ang mga kinakailangan Niya. Nagtatalaga ang Diyos ng mga kinakailangan Niya sa tao ayon sa sarili Niyang mga pamantayan, at ayon doon sa kayang makamit ng tao. Habang nagsasalita tungkol sa Kanyang pamamahala, itinuturo rin Niya ang daan para sa tao, at pinagkakalooban ang tao ng landas para sa pananatiling buhay. Ang pamamahala ng Diyos at ang pagsasagawa ng tao ay nasa parehong yugto ng gawain at sabay na isinasakatuparan. Ang pagsasalita tungkol sa pamamahala ng Diyos ay may kinalaman sa mga pagbabago sa disposisyon ng tao, at ang mga pagsasalita tungkol sa kung ano ang dapat magawa ng tao at sa mga pagbabago sa disposisyon ng tao, ay nauugnay sa gawain ng Diyos; walang panahon kung kailan ang dalawang ito ay maaaring mapaghiwalay. Ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago, baitang-baitang. Ito ay dahil ang mga kinakailangan ng Diyos sa tao ay nagbabago rin, at dahil ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago at sumusulong. Kung ang pagsasagawa ng tao ay nananatiling bihag ng doktrina, ito ay nagpapatunay na siya ay walang gawain at paggabay ng Diyos; kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi kailanman nagbabago o lumalalim, kung gayon ito ay nagpapatunay na ang pagsasagawa ng tao ay isinasakatuparan ayon sa kalooban ng tao, at hindi ang pagsasagawa ng katotohanan; kung ang tao ay walang landas na tatahakin, kung gayon siya ay nahulog na sa mga kamay ni Satanas, at napipigilan ni Satanas, na nangangahulugang siya ay napipigilan ng masasamang espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi lumalalim, ang gawain ng Diyos ay hindi mabubuo, at kung walang pagbabago sa gawain ng Diyos, kung gayon ang pagpasok ng tao ay mahihinto; hindi ito maiiwasan. Sa kabuuan ng lahat ng gawain ng Diyos, kung ang tao ay laging sumunod sa kautusan ni Jehova, kung gayon ang gawain ng Diyos ay hindi makakasulong, lalong hindi magiging posible na dalhin ang buong kapanahunan sa katapusan. Kung ang tao ay palaging nakahawak lamang sa krus at nagsagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba, kung gayon magiging imposible para sa gawain ng Diyos na magpatuloy sa pagsulong. Ang anim na libong taon ng pamamahala ay hindi basta-basta matatapos sa gitna ng mga taong sumusunod lamang sa kautusan, o kumakapit lamang sa krus at nagsasagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba. Sa halip, ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos ay natatapos sa gitna niyaong nasa mga huling araw, na nakakakilala sa Diyos, na nabawi na mula sa mga kamay ni Satanas at lubusang naalis na ang kanilang mga sarili mula sa impluwensya ni Satanas. Ito ang hindi maiiwasang patutunguhan ng gawain ng Diyos. Bakit sinasabi na lipas na sa panahon ang mga pagsasagawa ng mga nasa relihiyosong iglesia? Ito ay dahil ang kanilang isinasagawa ay hiwalay mula sa mga gawain ngayon. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang kanilang isinasagawa ay tama, ngunit habang lumilipas ang kapanahunan at nagbabago ang gawain ng Diyos, ang mga pagsasagawa nila ay unti-unti na ring nilipasan ng panahon. Ito ay naiwan na ng bagong gawain at ng bagong liwanag. Batay sa orihinal nitong saligan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakasulong na ng maraming hakbang na palalim. Ngunit ang mga taong yaon ay nananatili pa ring nakadikit sa orihinal na yugto ng gawain ng Diyos, at kumakapit pa rin sa mga lumang pagsasagawa at sa lumang liwanag. Maaaring magbago nang malaki ang gawain ng Diyos sa paglipas ng tatlo o limang taon, kaya hindi ba’t mas malaki pang mga pagbabago ang mangyayari sa loob ng 2,000 taon? Kung ang tao ay walang bagong liwanag o pagsasagawa, ito ay nangangahulugang siya ay hindi na nakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu. Ito ang pagkabigo ng tao; ang pag-iral ng bagong gawain ng Diyos ay hindi maipagkakaila dahil, ngayon, ang mga dati nang nakaranas ng gawain ng Banal na Espiritu ay sumusunod pa rin sa mga lumang pagsasagawa. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay laging sumusulong, at ang lahat ng nasa agos ng Banal na Espiritu ay nararapat ding sumusulong palalim at nagbabago baitang-baitang. Hindi sila dapat tumigil sa isang yugto. Ang mga hindi lamang nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu ang mananatili sa kalagitnaan ng Kanyang orihinal na gawain, at hindi tatanggapin ang bagong gawain ng Banal na Espiritu. Tanging ang mga masuwayin ang hindi makakayanang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi sumasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ang pagsasagawa ng tao ay tiyak na napuputol mula sa gawain ngayon at siguradong hindi kaayon ng gawain ngayon. Ang gayong mga taong lipas na sa panahon ay talagang walang kakayahang tuparin ang kalooban ng Diyos, at lalo nang hindi sila maaaring maging mga tao na tatayong patotoo sa Diyos sa huli. Ang buong gawaing pamamahala, higit pa rito, ay hindi matatapos sa kalagitnaan ng ganoong kalipunan ng mga tao. Sapagka’t yaong mga dating kumapit sa kautusan ni Jehova, at yaong mga minsang nagdusa dahil sa krus, kung hindi nila matatanggap ang yugto ng gawain ng mga huling araw, kung gayon ang lahat ng kanilang ginawa ay mawawalan ng saysay, at walang kabuluhan. Ang pinakamalinaw na pagpapahayag ng gawain ng Banal na Espiritu ay nasa pagyakap sa naririto ngayon, hindi pagkapit sa nakaraan. Yaong mga hindi na nakasabay sa gawain ng ngayon, at silang mga napahiwalay na mula sa pagsasagawa ng ngayon, ay yaong mga lumalaban at hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong iyon ay lumalaban sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Bagama’t kumakapit sila sa liwanag ng nakaraan, hindi maitatatwa na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu. Bakit mayroong mga usapan tungkol sa mga pagbabago sa pagsasagawa ng tao, sa mga pagkakaiba sa pagsasagawa sa pagitan ng nakalipas at ngayon, kung paanong ang pagsasagawa ay isinakatuparan sa nakaraang kapanahunan, at kung paano ito isinasagawa ngayon? Ang ganoong paghahati-hati sa pagsasagawa ng tao ay laging sinasalita dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na sumusulong, at sa gayon, ang pagsasagawa ng tao ay kailangan ding patuloy na magbago. Kung ang tao ay nananatiling nakakapit sa isang yugto, kung gayon ito ay nagpapatunay na wala siyang kakayahan sa pagsabay sa bagong gawain ng Diyos at bagong liwanag; hindi ito nagpapatunay na ang plano sa pamamahala ng Diyos ay hindi na nagbago. Yaong mga nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu ay laging nag-iisip na sila ay tama, ngunit sa katunayan, ang gawain ng Diyos sa kanila ay matagal nang tumigil, at ang gawain ng Banal na Espiritu ay wala sa kanila. Ang gawain ng Diyos ay matagal nang inilipat sa isa pang kalipunan ng mga tao, isang kalipunan kung kanino Niya hinahangad na tapusin ang Kanyang bagong gawain. Dahil yaong mga nasa relihiyon ay walang kakayahang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, at kumakapit lamang sa lumang gawain ng nakaraan, kaya’t tinalikuran na Niya ang mga taong ito, at ginagawa ang Kanyang bagong gawain sa mga taong tumatanggap sa bagong gawaing ito. Ang mga ito ay mga tao na nakikipagtulungan sa bago Niyang gawain, at tanging sa paraang ito matutupad ang Kanyang pamamahala. Ang pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong, at ang pagsasagawa ng tao ay palaging umaakyat pataas. Gumagawa lagi ang Diyos, at laging nangangailangan ang tao, sa gayon kapwa nila nararating ang kanilang tugatog at ang Diyos at ang tao ay nakakamit ang ganap na pagsasanib. Ito ang pagpapahayag ng katuparan ng gawain ng Diyos, at ito ang pangwakas na kinalabasan ng buong pamamahala ng Diyos.
Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga kinakailangan sa tao. Lahat niyaong nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at yaong mga wala sa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung yaong mga nasa loob ng agos na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na kinakailangan ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. Yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ay mamumuhay sa loob ng agos ng Banal na Espiritu, at tatanggapin nila ang pangangalaga at pag-iingat ng Banal na Espiritu. Yaong mga handang isagawa ang katotohanan ay nililiwanagan ng Banal na Espiritu, at yaong mga hindi handa na isagawa ang katotohanan ay dinidisiplina ng Banal na Espiritu, at maaari pang maparusahan. Hindi alintana kung anong uri ng tao sila, basta’t sila ay nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu, pananagutan ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa bagong gawain Niya para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Ang mga lumuluwalhati sa Kanyang pangalan at handang isagawa ang mga salita Niya ay makakatanggap ng Kanyang mga pagpapala; ang mga hindi sumusunod sa Kanya at hindi nagsasagawa ng Kanyang mga salita ay makakatanggap ng Kanyang kaparusahan. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay ang mga tumatanggap sa bagong gawain, at yamang natanggap na nila ang bagong gawain, sila ay nararapat na angkop na makipagtulungan sa Diyos, at hindi dapat kumilos na parang mga suwail na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang tanging kinakailangan ng Diyos sa tao. Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at paninisi ng Banal na Espiritu ay hindi para sa kanila. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang mga isipan, at ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa doktrinang bunga ng paghihimay at pananaliksik ng kanilang sariling mga utak. Hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay tila samyo-ng-relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay tila sagana sa relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang kaalaman sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, walang kaalaman sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang kaalaman sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang tao, at sila ay mga hamak na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay nakasusuklam, nakakaawa, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa niyaong mga wala sa agos ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina ng Banal na Espiritu, at, higit sa lahat, walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay kinamuhian at natanggihan na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na makasalanan dahil sila ay lumalakad sa laman at ginagawa kung ano ang kanilang nais sa ilalim ng karatula ng Diyos. Habang gumagawa ang Diyos, sila ay sadyang palaban sa Kanya, at tumatakbo sa kasalungat na patutunguhan sa Kanya. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tinatanggap nila ang nararapat na kaparusahan? Sa pagbanggit sa mga ginagawang kasamaan ng mga taong ito, ang ilang tao ay nasasabik na isumpa sila, samantalang hindi sila binibigyang-pansin ng Diyos. Para sa tao, lumalabas na ang kanilang mga pagkilos ay para sa ngalan ng Diyos, ngunit sa katunayan, sa Diyos, wala silang kaugnayan sa Kanyang pangalan o sa patotoo sa Kanya. Kahit na anong gawin ng mga taong ito, wala itong kaugnayan sa Diyos: Wala itong kaugnayan kapwa sa Kanyang pangalan at Kanyang kasalukuyang gawain. Hinihiya ng mga taong ito ang kanilang mga sarili, at inihahayag si Satanas: sila ay mga makasalanan na nag-iimbak para sa araw ng poot. Ngayon, hindi alintana ang kanilang mga kilos, basta’t hindi nila pinipigil ang pamamahala ng Diyos at hindi nakikialam sa bagong gawain ng Diyos, ang mga taong iyon ay hindi isasailalim sa nararapat na kaparusahan, dahil hindi pa dumarating ang araw ng poot. Maraming bagay ang pinaniniwalaan ng tao na dapat ay napakitunguhan na ng Diyos, at iniisip nila na ang mga makasalanang iyon ay dapat sumailalim sa kaparusahan sa lalong madaling panahon. Ngunit dahil ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay hindi pa natapos, at ang araw ng poot ay hindi pa dumating, ang mga hindi-matuwid ay patuloy pa ring gumaganap ng kanilang hindi-matuwid na mga gawa. Ang ilan ay nagsasabi, “Yaong mga nasa relihiyon ay walang presensiya o gawain ng Banal na Espiritu, at sila ay nagdadala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos; kaya bakit hindi sila winawasak ng Diyos, sa halip na hinahayaan pa rin ang kanilang di-mapigilang pag-uugali?” Ang mga taong ito, na silang mga pagpapamalas ni Satanas at silang nagpapahayag ng laman, wala silang alam, sila’y mabababaw na tao; sila ay mga taong katawa-tawa. Hindi nila mamamasdan ang pagdating ng poot ng Diyos bago nila maunawaan kung paano gumagawa ang Diyos ng Kanyang mga gawain sa gitna ng tao, at sa oras na sila ay lubos na nalupig na, ang mga makasalanang iyon ay makatatanggap lahat ng kanilang kaparusahan, at wala ni isa sa kanila ang makatatakas sa araw ng poot. Hindi ngayon ang panahon para sa kaparusahan ng tao, kundi ang panahon upang isakatuparan ang gawain ng panlulupig, maliban na lamang kung mayroong mga maninira sa pamamahala ng Diyos, kung saan sila ay isasailalim sa kaparusahan batay sa tindi ng kanilang mga kilos. Sa panahon ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan, ang lahat ng nasa agos ng Banal na Espiritu ay may kaugnayan sa Diyos. Yaong mga kinamumuhian at tinatanggihan ng Banal na Espiritu ay namumuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at yaong kanilang isinasagawa ay walang kaugnayan sa Diyos. Yaong mga tumatanggap lamang sa bagong gawain ng Diyos at nakikipagtulungan sa Diyos ang may kaugnayan sa Diyos, dahil ang gawain ng Diyos ay para lamang sa mga tumatanggap dito, at hindi ito ukol sa lahat ng tao, hindi alintana kung ito ay kanilang tinatanggap o hindi. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay palaging may pakay at hindi ginagawa kung kailan gusto. Yaong mga nakikisama kay Satanas ay hindi karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos, lalong hindi sila karapat-dapat na makipagtulungan sa Diyos.
Ang bawat yugto ng gawain ng Banal na Espiritu ay nangangailangan rin ng patotoo ng tao. Ang bawat yugto ng gawain ay isang paglalaban sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, at ang puntirya ng labanan ay si Satanas, habang ang isa na gagawing perpekto ng gawaing ito ay ang tao. Kung mamumunga man ang gawain ng Diyos o hindi ay nakasalalay sa paraan ng patotoo ng tao sa Diyos. Ang patotoong ito ay kung ano ang kinakailangan ng Diyos sa mga tagasunod Niya; ito ang patotoo na ginawa sa harapan ni Satanas, at patunay rin ng mga naibubunga ng gawain Niya. Ang buong pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto, at sa bawat yugto, ang mga angkop na kinakailangan ay itinatalaga sa tao. At saka, habang lumilipas at sumusulong ang mga kapanahunan, ang mga kinakailangan ng Diyos sa buong sangkatauhan ay nagiging lalong mas mataas. Kaya, isa-isang hakbang, ang gawaing ito ng pamamahala ng Diyos ay nakakaabot sa rurok nito, hanggang napagmamasdan ng tao ang katunayan ng “pagpapakita ng Salita sa katawang-tao,” at sa paraang ito ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumataas pa, gayundin ang mga pangangailangan sa tao na sumaksi. Habang mas nakakaya ng tao na tunay na makipagtulungan sa Diyos, mas magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pakikipagtulungan ng tao ay ang patotoo na kinakailangan sa kanya na dalhin, at ang patotoo na kanyang dinadala ay ang pagsasagawa ng tao. Samakatwid, magkakaroon man ng nararapat na bunga ang gawain ng Diyos o hindi, at kung magkakaroon man ng tunay na patotoo o hindi, ay di-naiiwasang kaugnay ng pakikipagtulungan at patotoo ng tao. Kapag natapos ang gawain, na ang ibig sabihin, kapag narating na ang katapusan ng buong pamamahala ng Diyos, kakailanganin sa tao na magpatotoo nang mas mataas, at kapag ang gawain ng Diyos ay nakakarating na sa katapusan nito, ang pagsasagawa at pagpasok ng tao ay makakarating sa rurok ng mga ito. Sa nakalipas, kinailangan sa tao na sumunod sa batas at mga kautusan, at hinihingi na siya ay maging matiisin at mapagpakumbaba. Ngayon, ang tao ay kinakailangan na sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos at magtaglay ng labis na pagmamahal sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay hinihingi sa kanya na mahalin pa rin ang Diyos sa gitna ng paghihirap. Ang tatlong yugtong ito ay mga kinakailangan ng Diyos sa tao, isa-isang hakbang, sa kabuuan ng Kanyang pamamahala. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas lumalalim kaysa sa huli, at sa bawat yugto ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumindi kaysa sa huli, at sa paraang ito, ang buong pamamahala ng Diyos ay unti-unting nabubuo. Talagang dahil sa ang mga kinakailangan sa tao ay lalo pang mas mataas kung kaya ang disposisyon ng tao ay mas lalong lumalapit sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos, at saka pa lamang magsisimula na unti-unting makaaalis ang buong sangkatauhan sa impluwensya ni Satanas hanggang, kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay nailigtas na mula sa impluwensya ni Satanas. Kapag dumating ang oras na iyon, ang gawain ng Diyos ay makakarating sa katapusan nito, at ang pakikipagtulungan ng tao sa Diyos nang sa gayon ay magkamit ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon ay wala na rin, at ang buong sangkatauhan ay mamumuhay sa liwanag ng Diyos, at mula roon, mawawala na ang pagkasuwail o paglaban sa Diyos. Wala na ring hihingin ang Diyos sa tao, at magkakaroon ng mas maayos na pagtutulungan sa pagitan ng tao at ng Diyos, isang buhay kung saan magkasama ang tao at ang Diyos, ang buhay na mararanasan pagkaraang ganap nang natapos ang pamamahala ng Diyos, at matapos na lubos na nailigtas na ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas. Yaong mga hindi makakasunod nang mabuti sa mga yapak ng Diyos ay walang kakayahang marating ang buhay na iyon. Maibababa na nila ang kanilang mga sarili sa kadiliman, kung saan sila ay tatangis at magngangalit ang kanilang mga ngipin; sila ay mga taong naniniwala sa Diyos ngunit hindi sumusunod sa Kanya, na naniniwala sa Diyos ngunit hindi sumusunod sa lahat ng Kanyang gawain. Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos, isa-isang hakbang; dapat siyang “sumunod sa Cordero saan man Siya pumaroon.” Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong labis na sumusunod sa mga salita at mga doktrina ay yaong mga naalis na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na nailalapat lamang sa mga naaayong kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maaalis ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Dahil nagkamit lamang ng maliit na gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; dahil nagkamit lamang ng maliit na kaalaman, hindi na siya nagpapatuloy sa pagsunod sa mga yapak ng mas bagong gawain ng Diyos; dahil nakakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad na niyang itinuturing na kahoy na imahen ang Diyos, at naniniwala na palaging mananatili ang Diyos sa ganoong anyo na nakikita sa harap niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; dahil nagkamit lamang ng mababaw na kaalaman, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang ipahayag ang isang disposisyon at kung ano ang Diyos na hindi talaga umiiral; at yamang natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpapahayag ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga ito ay mga taong hindi matatanggap ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay naniniwala sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “maniwala lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “naniniwala lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit tinututulan ang Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tinatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagka-mapanghimagsik ng tao? Ang mga Kristiyano sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng ngayon ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, kung ipagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang bawat isa sa kanilang mga kahilingan. Subali’t hindi nila masasabi nang tiyak kung bakit isasama sila ng Diyos sa ikatlong langit, o kung nakatitiyak ba sila kung paano sila tatanggapin ni Jesus na nakasakay sa puting ulap, lalong hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang naguguni-guni. Lahat sila ay nababahala, at nalilito; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay kukunin paitaas ng Diyos, ang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang kalooban ng Diyos—wala silang pagkaunawa sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang magagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Cordero hanggang sa katapus-tapusan ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang mga “tusong tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos na wala naman talagang dahilan, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na isasama sila ng Diyos sa langit, silang “mayroong lubos na katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “lubos na katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang tinututulan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at masama. Yaong mga hindi sumusunod hanggang sa katapus-katapusan, na hindi sumasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at kumakapit lamang sa mga lumang gawain ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging yaong mga sumasalungat sa Diyos, naging yaong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at siyang mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila? Marami pa nga ang naniniwala na ang lahat ng tumatanggi sa lumang kautusan at tumatanggap sa bagong gawain ay walang konsensya. Ang mga taong ito, na ang tanging sinasambit ay “budhi,” at hindi alam ang gawain ng Banal na Espiritu, sa kahuli-hulihan ay maiwawala ang kanilang mga inaasam-asam ng kanila mismong mga konsensya. Ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa doktrina, at bagama’t maaaring ito ay Kanyang sariling gawain, hindi pa rin kumakapit ang Diyos dito. Yaong dapat tanggihan ay tinatanggihan, kung ano ang dapat maalis ay inaalis. Ngunit inilalagay pa rin ng tao ang kanyang sarili sa galit sa Diyos sa pamamagitan ng pagkapit sa maliit na bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ba’t nakakatawa ang tao? Hindi ba’t ito ang kamangmangan ng tao? Mas mahina ang loob at sobrang maingat ang mga tao dahil sila ay takot na hindi magkamit ng pagpapala ng Diyos, mas hindi sila nagkakamit ng mas malalaking pagpapala, at pagtanggap ng pangwakas na pagpapala. Yaong mga tao na hamak na sumusunod sa kautusan ay nagpapakitang lahat ng kanilang sukdulang katapatan sa kautusan, at mas ipinakikita nila ang kanilang gayong katapatan sa kautusan, sila ay mas mga suwail na lumalaban sa Diyos. Dahil ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian at hindi ang Kapanahunan ng Kautusan, at ang gawain sa ngayon at ang gawain ng nakalipas ay hindi maaaring banggitin nang sabay, ni maikukumpara ang gawain ng nakaraan sa gawain sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay nagbago na, at ang pagsasagawa ng tao ay nagbago na rin; ito ay hindi para kumapit sa kautusan o magpasan ng krus, kaya’t ang katapatan ng mga tao sa kautusan at sa krus ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.
Ang tao ay lubusang gagawing ganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Pagkatapos ng gawain ng panlulupig, ang tao ay isasailalim sa pagpipino at kapighatian. Yaong mga makakapagtagumpay at makakatayong saksi sa panahon nitong kapighatian ay yaong mga gagawing ganap sa kahuli-hulihan; sila ang mga mananagumpay. Sa panahon nitong kapighatian, kinakailangan sa tao na tanggapin ang pagpipinong ito, at ang pagpipinong ito ang huling pagkakataon sa gawain ng Diyos. Ito ang huling panahon na pipinuhin ang tao bago ang pagtatapos ng lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay kailangang tanggapin itong huling pagsubok, kailangan nilang tanggapin itong huling pagpipino. Yaong mga lugmok sa kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit yaong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayong matatag sa kahuli-hulihan; sila yaong mga may angking pagkatao, at siyang mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang ginagawa ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at patuloy pa ring magsasagawa ng katotohanan nang hindi nabibigo sa kanilang patotoo. Sila yaong mga makalalampas sa matinding kapighatian sa wakas. Bagaman yaong mga naglalagay ng kanilang mga sarili sa mapanganib na sitwasyon para mabuhay ay maaari pa ring magpatuloy ngayon, walang makatatakas sa pangwakas na kapighatian, at walang makatatakas mula sa pangwakas na pagsubok. Para sa mga nagtatagumpay, ang ganoong kapighatian ay isang matinding pagpipino; ngunit para sa mga nangingisda sa maligalig na tubig, ito ang gawain ng lubos na pagpapalayas. Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang uring ito ng mga hamak na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila karapat-dapat sa kahit na anong awa. Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at “mabait” na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan. Kung ang mga demonyong ito ay hindi napalayas, ang mga demonyong ito na papatay nang walang kurap, hindi ba sila magiging tagong panganib? Ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi nakakamit pagkatapos ng kaganapan ng gawaing panlulupig. Kahit natapos na ang gawain ng panlulupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; ang gayong gawain ay matatapos lamang sa sandaling ang tao ay lubusang nagawa nang dalisay, sa sandaling yaong mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling yaong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay naalis na. Yaong mga hindi nakalulugod sa Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang aalisin, at yaong mga naaalis ay pag-aari ng diyablo. Dahil hindi nila kayang paluguran ang Diyos, sila ay suwail sa Diyos, at kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas. Sa mga salitang “yaong mga sumunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tatanggap ng kaligtasan,” ang kahulugan ng “sumunod” ay tumayo nang matatag sa kabila ng kapighatian. Ngayon, marami ang naniniwala na madali ang sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Hindi dahil kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos lupigin, ito ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Yaong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, kaya’t hindi makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa katapus-katapusan. Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok ng kanilang gawain, samantalang yaong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Hindi magtatagal, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay nalalaman sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, iyon ay, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa pagpapasya ng tao mismo. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang tao kung kailan Niya gusto; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakahikayat sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makahihikayat sa tao. Kung ang paniniwala ng tao ay tunay o hindi, ay napapatotohanan ng mga katunayan at hindi mapagpapasyahan ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi pagmamalabisan ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya. Batay sa iba’t iba nilang mga tungkulin at mga patotoo, ang mga mananagumpay sa kaharian ay magsisilbing mga saserdote o tagasunod, at lahat ng matagumpay sa gitna ng kapighatian ay magiging kalipunan ng saserdote sa loob ng kaharian. Ang mga kalipunan ng saserdote ay mabubuo kapag ang gawain ng ebanghelyo sa buong sansinukob ay natapos na. Kapag dumating ang panahong iyon, ang kailangang gawin ng tao ay ang pagganap sa kanyang tungkulin sa kaharian ng Diyos, at ang paninirahan niyang kasama ang Diyos sa loob ng kaharian. Sa kalipunan ng mga saserdote mayroong magiging mga punong saserdote at mga saserdote, at ang natitira ay magiging mga anak at bayan ng Diyos. Ito ay malalaman lahat sa pamamagitan ng kanilang mga patotoo sa Diyos sa panahon ng kapighatian; hindi lamang ito mga titulo na ibinibigay lamang batay sa kagustuhan. Sa sandaling ang katayuan ng tao ay naitatag na, ang gawain ng Diyos ay matatapos, dahil ang lahat ay pinagsasama-sama ayon sa uri at ibinabalik sa kanilang orihinal na kalagayan, at ito ang tanda ng katuparan ng gawain ng Diyos, ito ang pangwakas na kinalabasan ng gawain ng Diyos at ng pagsasagawa ng tao, at ito ang pagkakabuo-buo ng mga pangitain ng gawain ng Diyos at ng pakikipagtulungan ng tao. Sa katapusan, ang tao ay makakasumpong ng kapahingahan sa kaharian ng Diyos, at ang Diyos, rin, ay babalik sa Kanyang tahanan upang mamahinga. Ito ang magiging pangwakas na kinalabasan ng 6,000 taong pakikipagtulungan sa pagitan ng Diyos at ng tao.