Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Tadhana ng Buong Sangkatauhan

Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at bilang mga debotong Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng atas ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi inilalaan para sa atas ng Diyos at hindi inilalaan sa makatarungang adhikain ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa ay mahihiya sa harap ng mga naging martir para sa atas ng Diyos, at lalo nang mas mahihiya sa harap ng Diyos, na nagtustos sa atin ng lahat ng bagay.

Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito at, bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at ng sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaalo sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagbabantay sa sangkatauhang ito gabi at araw. Ang pag-unlad at pagsulong ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi makakatakas mula sa mga pagsasaayos na ginagawa ng mga kamay ng Diyos. Kung isa kang tunay na Kristiyano, tiyak na maniniwala ka na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bansa o bayan ay nasasailalim sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng anumang bansa o bayan, at ang Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung nais ng sangkatauhan na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung nais ng isang bansa na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang buong sangkatauhan ay dapat na magpatirapa sa Diyos at sumamba sa Kanya, at lumapit sa harap ng Diyos para magsisi at magtapat ng kasalanan sa Kanya, o kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng sangkatauhan ay isang hindi maiiwasang kalamidad.

Magbalik-tanaw kayo sa panahon kung kailan binuo ni Noe ang arka: Ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, at sila ay lumihis palayo mula sa mga pagpapala ng Diyos, hindi na binabantayan ng Diyos, at nawalan na ng mga ipinangako ng Diyos. Sila ay namumuhay sa kadiliman, nang wala ang liwanag ng Diyos. Pagkatapos, sila ay naging likas na mahalay, at masama hanggang sa antas na hindi na kaaya-ayang tingnan. Ang ganitong mga tao ay hindi na maaaring makatanggap ng pangako ng Diyos; hindi na sila karapat-dapat na makasaksi sa mukha ng Diyos o kaya ay makarinig sa tinig ng Diyos, sapagkat tinalikuran na nila ang Diyos, isinantabi na nila ang lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa kanila, at kinalimutan na nila ang mga salita ng Diyos na nagtuturo. Ang kanilang puso ay lumihis nang papalayo nang papalayo mula sa Diyos at, pagkatapos nito, sila ay naging imoral hanggang sa puntong nawala na ang kanilang katwiran at pagkatao, at sumama na sila nang sumama. Pagkatapos, sila ay tumahak patungo sa kamatayan at sumailalim sa poot at kaparusahan ng Diyos. Si Noe lamang ang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung kaya’t narinig niya ang tinig ng Diyos at ang Kanyang mga tagubilin. Itinayo ni Noe ang arka ayon sa mga tagubilin ng salita ng Diyos, at tinipon doon ang lahat ng uri ng buhay na nilalang. At sa ganitong paraan, nang maihanda na ang lahat ng bagay, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagwasak sa mundo. Si Noe lamang at ang pito pang miyembro ng kanyang pamilya ang nakaligtas sa pagkalipol, dahil sumamba si Noe kay Jehova at umiwas sa kasamaan.

Ngayon ay tingnan ninyo ang kasalukuyang panahon: Ang matutuwid na tao na kagaya ni Noe, na kayang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, ay hindi na umiiral. Ngunit ang Diyos ay nagpapakita pa rin ng kagandahang-loob sa sangkatauhang ito at nagpapakita pa rin ng pagpaparaya sa sangkatauhan sa huling kapanahunang ito. Hinahanap ng Diyos iyong mga nag-aasam na Siya ay magpakita, hinahanap iyong mga nakikinig sa Kanyang mga salita, hinahanap iyong mga hindi nakakalimot sa Kanyang atas at mga naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya, at hinahanap iyong mga kasingmapagpasakop at kasing-di-lumalaban ng mga sanggol sa Kanyang harapan. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, nang hindi nahahadlangan ng anumang puwersa, tatratuhin ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob Niya sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, prestihiyosong reputasyon, saganang kaalaman, napakaraming ari-arian, at suporta ng maraming tao, subalit nananatili kang hindi nagugulo ng mga bagay na ito at humaharap ka pa rin sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang tawag at ang Kanyang atas at upang gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ang magiging pinakamakabuluhang misyon sa lupa at ang pinakamakatarungang gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos alang-alang sa katayuan o sarili mong mga layon, ang lahat ng iyong gagawin ay susumpain at, mas lalo na, kasusuklaman ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang elder, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung gagamitin mo ang iyong abilidad at kaalaman para isakatuparan ang iyong sariling gawain, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging pagkakaitan ng mga pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay makatarungan, o kinikilala na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay gumagamit ng kaalaman at lakas ng tao upang subukang itulak palayo ang proteksyon ng Diyos sa tao, at na pagtatatwa ito sa mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan walang Diyos ang tao at nawala sa tao ang Kanyang mga pagpapala.

Mula nang magsimula ang mga agham panlipunan, inokupa ng agham at kaalaman ang puso ng mga tao. Pagkatapos, ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa paghahari sa mga tao, nagdudulot na mawalan sila ng sapat na puwang para sambahin ang Diyos, at na mawalan din ng sapat na mga paborableng kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay bumaba nang lalo pang mas mababa sa puso ng lahat ng tao. Kung walang puwang para sa Diyos sa kanilang puso, ang panloob na mundo ng mga tao ay madilim, ito ay walang pag-asa, at ito ay hungkag. Pagkatapos nito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at politiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, ng teorya ng ebolusyon ng tao, at ng iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, upang punuin ang puso at isip ng mga tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga mito at alamat. Ang dignidad ng Diyos at ang kadakilaan ng Diyos ay kumupas na sa puso ng mga tao, at ang pag-iral ng Diyos at ang doktrina na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay kumupas na sa puso ng mga tao. Ang pananatiling buhay ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bansa at mga bayan ay hindi na mahalaga sa kanila, at namumuhay ang sangkatauhan sa isang hungkag na mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang nagkukusang hanapin kung saan ginagawa ngayon ng Diyos ang Kanyang gawain, o hanapin kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa hantungan ng sangkatauhan. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay nababawasan nang nababawasan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam sa halip na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakasibilisadong bansa ay nagpapahayag ng mga ganitong hinaing. Sapagkat kung wala ang gabay ng Diyos, kahit pa pigain ng mga pinuno at sosyologo ang mga utak nila para mapanatili ang sibilisasyon ng tao, wala itong silbi. Walang sinuman ang makapupuno sa kahungkagan sa mga puso ng mga tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at wala sa retorika ng lipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang kaaliwan sa tao. Kahit pa mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin naiiwasan ng sangkatauhan na magkasala at magreklamo sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pag-aasam at pagnanais ng sangkatauhan na tumuklas. Ito ay dahil ang tao ay nilalang ng Diyos at ang mga walang katuturang sakripisyo at pagtuklas ng sangkatauhan ay magdudulot lamang ng patindi nang patinding pagkabagabag sa tao, at magdudulot na ang tao ay palagiang malagay sa pangamba, na hindi alam kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan at hindi alam kung paano haharapin ang landas sa kanyang hinaharap, hanggang sa matakot pa nga ang sangkatauhan sa agham, matakot sa kaalaman, at lalong matakot sa pakiramdam ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansang walang mga karapatang pantao, hinding-hindi mo kayang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, hinding-hindi mo kayang takasan ang pagnanais na tuklasin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalong hindi mo kayang takasan ang di-maipaliwanag na pakiramdam ng kahungkagan. Ang gayong mga penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang tao na maaaring lumitaw upang lutasin ang gayong mga problema. Kung tutuusin, ang tao ay tao, at ang katayuan ng Diyos at ang buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinuman. Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lamang isang patas na lipunan kung saan ang mga tao ay napapakain nang mabuti, ang lahat ay pantay-pantay, at ang lahat ay malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila. Tanging kapag natanggap ng sangkatauhan ang pagtutustos ng buhay ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas, saka lamang malulutas ang kanilang mga pangangailangan, ang kanilang pagnanais na tumuklas, at ang kahungkagan ng kanilang mga puso. Kung ang mga tao ng isang bansa o ng isang bayan ay hindi makatanggap ng pagliligtas ng Diyos at hindi sila nababantayan ng Diyos, ang gayong bansa o bayan ay tutungo sa pagbagsak at sa kadiliman, at bilang resulta, lilipulin ito ng Diyos.

Marahil ang iyong bansa ay kasalukuyang umuunlad, ngunit kung idudulot mo na ang iyong mga tao ay lumayo sa Diyos, lalong mawawalan ng mga pagpapala ng Diyos ang bansa mo, ang sibilisasyon nito ay yuyurakan nang yuyurakan ng mga tao, at hindi magtatagal, ang mga tao nito ay titindig para tutulan ang Diyos at sumpain ang Langit. Sa ganitong paraan, masisira ang tadhana ng isang bansa nang hindi namamalayan. Ang Diyos ay magbabangon ng mga makapangyarihang bansa upang kontrahin ang mga bansang isinumpa ng Diyos, at maaaring burahin pa nga ang mga ito sa balat ng lupa. Ang susi sa pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa o bayan ay kung ang mga pinuno nito ay sumasamba ba sa Diyos, at kung inaakay ba nila ang kanilang mga tao na lumapit sa Diyos at sumamba sa Kanya. Pero sa huling kapanahunang ito, dahil ang mga taong sinserong naghahanap sa Diyos at sumasamba sa Diyos ay pakaunti nang pakaunti, nagbibigay ang Diyos ng natatanging pabor sa mga bansa kung saan ang Kristiyanismo ang relihiyon ng estado. Ang mga bansang iyon na tinitipon Niya upang bumuo ng mas makatarungang kampo sa mundo, habang ang mga bansang ateista at ang mga bansang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ay nagiging kalaban ng makatarungang kampo. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay hindi lamang may isang lugar sa sangkatauhan kung saan magagampanan Niya ang Kanyang gawain, pero kasabay nito, nagkakamit din Siya ng mga bansang nagpapatupad ng makatarungang awtoridad, na nagtutulot na makapagpataw ng mga parusa at paghihigpit sa mga bansang lumalaban sa Kanya. Sa kabila nito, hindi pa rin nagagawa ng Diyos na magkamit ng mas maraming tao para sumamba sa Kanya, sapagkat ang sangkatauhan ay lumihis nang napakalayo sa Kanya, at nakalimutan na ng sangkatauhan ang Diyos sa loob ng napakatagal na panahon, at sa mundong ito ay may mga bansa lang na nagpapatupad ng katarungan at lumalaban sa kawalan ng katarungan. Ngunit malayo ito sa pag-abot sa mga kagustuhan ng Diyos, sapagkat walang mga pinuno ng bansa ang magpapahintulot sa Diyos na maghari sa kanilang mga tao, at walang partidong pampulitika ng anumang bansa ang magtitipon ng mga tao nito para sambahin ang Diyos; nawalan ang Diyos ng Kanyang nararapat na lugar sa puso ng bawat bansa, bawat bayan, bawat namumunong partido, at maging sa puso ng bawat tao. Kahit na umiiral ang ilang makatarungang puwersa sa mundong ito, ang anumang pamunuan kung saan ang Diyos ay walang lugar sa puso ng tao ay napakarupok, at ang isang politikal na arena na walang pagpapala ng Diyos ay magulo at hindi nito makayanan kahit ang isang dagok. Para sa sangkatauhan, ang kawalan ng pagpapala ng Diyos ay katumbas ng kawalan ng araw. Gaano man kasigasig ang mga namumuno na gumawa ng mga kontribusyon sa kanilang mga tao, gaano man karami ang mga makatarungang pagpupulong na isinasagawa ng sangkatauhan, wala sa mga ito ang makakapagpabalik ng agos, ni hindi mababago ng anuman dito ang tadhana ng sangkatauhan. Naniniwala ang tao na ang isang bansa kung saan ang mga tao ay may sapat na pagkain at kasuotan, kung saan sila ay magkakasamang namumuhay nang payapa, ay isang mabuting bansa, at may mabuting pamunuan. Subalit hindi ito ang palagay ng Diyos. Naniniwala Siya na ang isang bansa kung saan walang sinuman ang sumasamba sa Kanya ay Kanyang lilipulin. Ang mga iniisip ng tao ay palaging ibang-iba sa mga iniisip ng Diyos. Kaya, kung ang pinuno ng isang bansa ay hindi sumasamba sa Diyos, ang tadhana ng bansang ito ay magiging isang malaking trahedya, at ang bansang ito ay mawawalan ng hantungan.

Hindi nakikibahagi ang Diyos sa politika ng sangkatauhan, ngunit kinokontrol Niya ang tadhana ng bawat bansa at bayan, kinokontrol ang mundong ito, at kinokontrol ang buong sansinukob. Ang tadhana ng sangkatauhan at ang plano ng Diyos ay malapit na magkaugnay, at walang tao, bansa, o bayan ang makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Para malaman ang tadhana ng sangkatauhan, dapat lumapit ang tao sa harap ng Diyos. Idudulot ng Diyos na ang sangkatauhan na sumusunod at sumasamba sa Kanya ay maging masagana at idudulot Niya na ang mga lumalaban at nagtatakwil sa Kanya ay manghina at mamatay.

Gunitain ninyo ang tagpo sa Bibliya nang wasakin ng Diyos ang Sodoma at isipin din ninyo kung paano naging haligi ng asin ang asawa ni Lot. Tingnan ninyo kung paano nagsisi at nagtapat ng kanilang mga kasalanan ang mga tao ng Ninive habang nakasuot ng tela ng sako at may abo. Gunitain ninyo kung ano ang kinalabasan ng mga Hudyo matapos nilang ipako si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan—sila ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas papunta sa mga bansa sa buong mundo, marami ang pinatay, at ang buong bayan ng mga Hudyo ay dumanas ng wala pang katulad na pasakit ng pagkawasak ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—gumawa sila ng isang karumal-dumal na kasalanan—at ginalit nila ang disposisyon ng Diyos. Kinailangan nilang pagbayaran ang kanilang ginawa at kinailangang pasanin ang lahat ng kahihinatnan ng kanilang mga pagkilos. Kinondena nila ang Diyos, tinalikuran ang Diyos, kung kaya’t iisa lamang ang kanilang naging tadhana: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at sakuna na idinulot ng kanilang mga pinuno sa kanilang bansa at bayan.

Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang gawain, at ang Kanyang unang hinintuan sa Kanyang gawain ay ang pagsasakatawan ng diktadura: Ang Tsina, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at Kanyang kapangyarihan. Sa panahong ito, tinugis Siya ng namumunong partido ng Tsina gamit ang lahat ng paraan at dumanas Siya ng lahat ng uri ng pagdurusa, nang walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, at nang walang masisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang nilalayong gawin: pagsasalita ng mga salita, pagbigkas, at pagpapalaganap ng ebanghelyo. Walang tao ang makakaarok sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Sa Tsina, isang bansang nagtuturing sa Diyos bilang isang kaaway, hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang gawain. Sa halip, nagkamit Siya ng mas maraming tao na tumanggap sa Kanyang gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hanggang sa pinakasukdulang antas na maaari. Naniniwala tayong lahat na ang nilalayong isakatuparan ng Diyos ay hindi mahahadlangan ng anumang bansa o anumang puwersa, at na iyong mga sumusubok na humadlang sa gawain ng Diyos, na lumalaban sa salita ng Diyos, at nanggugulo at sumusubok na sumira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Kung ang isang tao ay lumalaban sa gawain ng Diyos, ipapatapon ng Diyos sa impiyerno ang taong ito; kung ang isang bansa ay lumalaban sa gawain ng Diyos, wawasakin ng Diyos ang bansang ito; kung ang isang bayan ay bumangon upang salungatin ang gawain ng Diyos, buburahin ng Diyos mula sa daigdig ang bayang ito at wawakasan ang pag-iral nito. Hinihikayat Ko ang mga tao ng bawat bayan at ng bawat bansa, at maging ng bawat industriya na makinig sa tinig ng Diyos, at pagmasdan ang gawain ng Diyos at bigyang-pansin ang tadhana ng sangkatauhan, at sa gayon ay gawin ang Diyos na pinakabanal, pinakadinadakila, pinakamataas, at ang tanging pinag-uukulan ng pagsamba ng sangkatauhan, at upang bigyang-daan ang buong sangkatauhan na mamuhay sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos, tulad lamang ng mga inapo ni Abraham na namuhay sa ilalim ng pangako ni Jehova, at tulad lamang nina Adan at Eba, na nilikha ng Diyos sa simula, na namuhay sa Hardin ng Eden.

Ang gawain ng Diyos ay sumusulong tulad ng rumaragasang alon. Walang sinuman ang makapipigil sa Kanya, at walang sinuman ang makapagpapahinto sa Kanyang pagsulong. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang makasusunod sa Kanyang mga yapak at makatatanggap ng Kanyang pangako. Ang mga hindi naman ay pawang sasailalim sa napakalaking sakuna at karapat-dapat na kaparusahan.

Sinundan: Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Sumunod: Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito