Kabanata 4
Sa bawat sandali, tayo ay magbabantay at maghihintay, magiging tahimik sa espiritu at maghahanap nang may dalisay na puso. Anuman ang nangyayari sa atin, hindi tayo dapat bulag na makipagbahaginan. Kailangan lamang nating maging tahimik sa harapan ng Diyos at maging palagian ang pakikipagbahaginan sa Kanya, at pagkatapos ay tiyak na mabubunyag sa atin ang Kanyang mga layunin. Sa loob ng espiritu, dapat na maging handa tayong kumilala ng pagkakaiba sa lahat ng oras, at dapat tayong magkaroon ng espiritu na masigasig at hindi sumusuko. Dapat tayong umigib mula sa tubig na buhay sa harap ng Diyos, ang tubig na nagpapalusog at nagpapasigla sa ating tigang na espiritu. Dapat tayong maging handa sa lahat ng sandali na linisin ang ating mga sarili mula sa ating satanikong disposisyon, na mapagmagaling, mapagmataas, palalo, at nasisiyahan sa sarili. Dapat nating buksan ang ating mga puso upang tanggapin ang salita ng Diyos, at kumilos batay sa Kanyang salita. Dapat tayong magkaroon ng karanasan at maging tiyak tungkol sa Kanyang salita at magkaroon ng pagkaunawa sa Kanyang salita, hinahayaan ang Kanyang salita na maging ating buhay. Ito ang pagtawag sa atin ng langit! Magtatagumpay lamang tayo kapag nabubuhay tayo ayon sa salita ng Diyos.
Ngayon ang ating mga kuru-kuro ay napakaseryoso, at nagsasalita tayo nang basta-basta at kumikilos nang padalos-dalos at hindi kumikilos nang naaayon sa Espiritu. Ang kasalukuyan ay hindi na katulad ng nakaraan. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay kumikilos nang pasulong at napakabilis. Dapat danasin natin nang detalyado ang salita ng Diyos; bawat ideya at kaisipan, bawat pagkilos at reaksyon ay dapat nating matukoy nang malinaw sa ating mga puso. Wala sa ating mga ginagawa sa harap o likuran ng sinuman ang makatatakas sa paghatol sa harap ng luklukan ni Cristo. Ang Banal na Espiritu ay nasa proseso ng paggabay sa atin sa dako ng higit na malalim na karanasan, at kung saan ay mapapalapit tayo sa katiyakan tungkol sa Makapangyarihan sa lahat.
Nabuksan na ng Diyos ng sansinukob ang ating espirituwal na mga mata, at ang mga hiwaga sa espiritu ay patuloy na inihahayag sa atin. Maghanap nang may dalisay na puso! Maging handang magbayad ng halaga, sumulong nang nagkakaisa, maging handang itatwa ang inyong mga sarili, huwag nang maging mapag-imbot, sumunod sa Banal na Espiritu at tamasahin ang salita ng Diyos, at pagkatapos ay magpapakita ang isang ganap na pandaigdigang bagong tao. Ang panahon ay malapit na, kung kailan ay magtatapos na si Satanas, magiging ganap na ang kalooban ng Diyos, ang lahat ng bansa sa daigdig ay magiging kaharian ni Cristo, at si Cristo ay mamumuno bilang Hari sa lupa magpasawalang-hanggan!