Kabanata 43
Hindi ba’t napaalalahanan Ko na kayo? Huwag mangamba; hindi lang kayo nakikinig sa Akin, mga tao kayong walang pagpapahalaga! Kailan ninyo magagawang maunawaan ang Aking puso? Araw-araw mayroong bagong kaliwanagan, at araw-araw mayroong bagong liwanag. Ilang beses na ninyong naunawaan ito mismo? Hindi ba’t Ako mismo ang nagsabi sa inyo? Wala pa rin kayong ginagawa, tulad ng mga insektong gumagalaw lang kapag sinundot, at hindi ninyo magawang magkusang makipagtulungan sa Akin at magpakita ng pagsasaalang-alang sa Aking pasanin. Nais Kong makita ang lahat ng inyong masisigla at kaibig-ibig na mga ngiti, makita ang aktibo at masiglang galaw ng Aking mga anak, pero hindi Ko magawa. Sa halip, kayo ay mahina ang isip—katawa-tawa at hangal. Dapat magkusa kayong maghanap. Matapang na magsumikap! Buksan lang ang inyong mga puso at hayaan Akong mabuhay sa loob ninyo. Maging maingat at mapagbantay! Manlilinlang ang ilang tao sa iglesia, at dapat lagi ninyong seryosohin ang mga salitang ito, nang hindi maapektuhan ang mga buhay ninyo o dumanas kayo ng kawalan. Makatitiyak kayo na hangga’t mayroon kayong lakas ng loob na manindigan at magsalita para sa Akin, papasanin Ko ang lahat ng pasanin nito at bibigyan kita ng lakas! Hangga’t pinalulugod mo ang puso Ko, palagi Kong ipakikita sa iyo ang Aking ngiti at ang Aking kalooban. Hangga’t mayroon kang matibay na gulugod at isinasabuhay mo ang disposisyon ng batang lalaki, susuportahan kita at ilalagay kita sa isang mahalagang posisyon. Kapag pumupunta ka sa harapan Ko, lumapit ka lang sa Akin. Huwag kang matakot kung hindi ka makapagsalita. Hangga’t mayroon kang pusong naghahanap, ibibigay Ko sa iyo ang mga salita. Hindi Ko kailangan ng mga salitang magandang pakinggan, at hindi Ko kailangan ng iyong pambobola; kinamumuhian Ko ang ganitong uri ng bagay nang higit sa lahat. Hindi Ko sinasang-ayunan ang ganitong uri ng tao higit sa lahat. Katulad sila ng isang bubog sa Aking mata o tinik sa Aking katawan na dapat maalis. Kung hindi, hindi maaaring gumamit ng kapangyarihan para sa Akin ang Aking mga anak at magiging sakop sila ng nakasasakal na kontrol. Bakit Ako dumating? Dumating Ako para suportahan at pasiglahin ang Aking mga anak, upang mawala na magpakailanman ang mga araw na nagtitiis sila ng pang-aapi, paninindak, kalupitan, at pang-aabuso!
Maging matapang. Palagi Akong maglalakad kasama mo, mabubuhay kasama mo, kakausapin ka at kikilos kasama mo. Huwag matakot. Huwag mag-atubiling magsalita. Palagi kayong maramdamin, mahiyain, at matatakutin. Dapat alisin yaong mga hindi napapakinabangan sa pagtatayo ng iglesia. Nabibilang dito yaong mga nasa iglesia na hindi maayos ang mga kalagayan at yaong mga hindi makakilos nang ayon sa Aking mga salita, bukod pa sa inyong di-naniniwalang ina at ama. Ayaw Ko sa mga bagay na iyon. Dapat silang puksain, at walang dapat matira. Pakawalan lang ang mga gapos na nasa iyong mga kamay at mga paa. Hangga’t sinisiyasat mo ang mga sarili mong layunin at hindi isinasaalang-alang ng mga ito ang mga pakinabang at kawalan, ni kasikatan at kayamanan, ni mga pansariling ugnayan, sasamahan kita, ituturo Ko ang mga bagay-bagay sa iyo at bibigyan kita ng malinaw na paggabay sa lahat ng oras.
O, mga anak Ko! Ano ang dapat Kong sabihin? Bagaman sinasabi Ko ang mga bagay na ito, hindi pa rin ninyo isinasaalang-alang ang Aking puso at napakamahiyain pa rin ninyo. Ano ang kinatatakutan ninyo? Bakit nagagapos pa rin kayo ng mga batas at mga tuntunin? Napakawalan Ko na kayo, pero wala pa rin kayong kalayaan. Bakit ganito? Higit na makipag-usap sa Akin at sasabihin Ko sa iyo. Huwag Akong subukin. Tunay Ako. Wala Akong pagkukunwari; tunay ang lahat! Totoo ang sinasabi Ko. Kailanma’y hindi Ako sumisira sa Aking salita.