Kabanata 46
Sinumang taos na gumugugol at iniaalay ang kanyang sarili sa Akin ay tiyak na pangangalagaan Ko hanggang sa kadulu-duluhan; tiyak na hahawakan ka ng Aking kamay nang sa gayon ay lagi kang payapa at laging puno ng kagalakan, at araw-araw mong tataglayin ang Aking liwanag at paghahayag. Tiyak na dodoblehin Ko ang Aking mga pagpapala sa iyo, nang sa gayon ay mayroon ka ng kung anong mayroon Ako at taglay mo kung ano Ako. Ang ibinigay sa loob mo ay ang iyong buhay, at walang makakakuha nito mula sa iyo. Huwag mong guluhin ang iyong sarili o malumbay; sa loob Ko ay mayroon lamang kapayapaan at kagalakan. Taos kitang minamahal, anak, ikaw na nakikinig nang taos at sumusunod sa Akin. Yaong pinakakinamumuhian Ko ay ang mga mapagpaimbabaw; tiyak na buburahin Ko sila. Aalisin Ko ang anumang pahiwatig ng sanlibutan mula sa Aking sambahayan, at aalisin Ko ang lahat ng bagay na iyon na hindi Ko makayang tingnan.
Sa kaibuturan ng Aking puso, ganap Kong alam kung sino ang taos na nagnanais sa Akin at sino ang hindi. Maaaring mahusay silang magbalatkayo at magmukhang kapani-paniwala, at maaari pa ngang sabihin na sila ang pinakamagaling na mga artista sa mundo, nakikita Ko nang malinaw ang lahat ng kinakandili nila sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Huwag mong isipin na hindi Ko alam kung ano ang nasa iyong puso; sa katotohanan walang sinumang nakauunawa nang mas malinaw kaysa sa Akin. Alam Ko kung ano ang nasa iyong puso; handa kang ialay ang iyong sarili sa Diyos at gumugol para sa Diyos, kaya lamang ay ayaw mong gumamit ng matamis na pananalita upang papagbunyiin ang iba. Tingnan nang malinaw! Ang kaharian ngayon ay hindi itinatayo sa pamamagitan ng lakas ng tao, kundi matagumpay na itatayo gamit lamang ang Aking napakayamang karunungan at matinding pagsisikap. Sinumang nagtataglay ng karunungan at nagtataglay ng kung ano Ako sa loob nila ay magkakaroon ng bahagi sa pagtatayo ng kaharian. Huwag ka nang mag-alala; lagi ka na lamang alalang-alala, walang pakialam sa pahayag o sa pagtanglaw ng Aking kalooban sa loob mo. Huwag mo nang gawin iyan. Higit kang makipagbahaginan sa Akin tungkol sa anumang bagay upang maiwasan mong magdusa dahil sa sarili mong mga kilos.
Maaaring sa panlabas ay tila wala Akong interes kaninuman, ngunit alam mo ba kung ano ang Aking iniisip sa loob? Lagi Kong itinataas nang matayog ang mga mapagpakumbaba, at lagi Kong ibinababa yaong mga may labis na pagtingin sa sarili at labis na magpahalaga sa sarili. Yaong mga hindi nakauunawa sa Aking kalooban ay magdurusa ng malaking kawalan. Dapat mong malaman na ganito kung ano Ako, at ito ang Aking disposisyon—walang sinumang makapagbabago rito, at walang sinumang makauunawa rito nang lubusan. Sa pamamagitan lamang ng Aking pahayag na maaari kang makaunawa, kung hindi ay hindi mo rin ito mauunawaan nang lubusan; huwag kang maging mapagmataas. Kahit na ang ilang tao ay nakapagsasalita nang magaling, ang kanilang mga puso ay hindi kailanman tapat sa Akin, at lagi Akong sinasalungat nang palihim; Aking hahatulan ang ganitong uri ng tao.
Huwag ka lamang magtuon sa pagsunod sa sinasabi ng iba, dapat mong bigyang-pansin ang Aking kilos at Aking pag-uugali. Sa ganitong paraan mo lamang unti-unting mauunawaan ang Aking kalooban; ang iyong mga pagkilos ay aayon sa Aking kalooban pagkatapos, at hindi ka makagagawa ng mga pagkakamali. Huwag kang tumangis o maging malungkot; malinaw Kong nakikita ang lahat ng iyong ginagawa, lahat ng iyong pag-uugali at lahat ng iyong iniisip, at alam Ko ang iyong taos na mga ninanasa at pinapangarap; gagamitin kita. Ngayon ay isang napakahalagang sandali; dumating na ang panahon upang subukin ka. Hindi mo pa ba nakikita? Hindi mo pa ba nadarama? Bakit ba ganoon ang Aking pakikitungo sa iyo? Alam mo ba? Ibinunyag Ko na ang mga bagay na ito sa iyo at may kaunti kang kabatiran. Ngunit huwag kang tumigil—magpatuloy ka sa pagsulong sa iyong pagpasok at patuloy kitang bibigyang-kaliwanagan. Natanto mo na ba na habang mas lalo kang sumusunod at nakikinig sa Akin, mas nagniningning ka sa loob at mas higit ang mga pahayag sa loob mo? Namamalayan mo bang habang mas lalo kang sumusunod at nakikinig sa Akin, mas higit ang iyong pagkakilala sa Akin at mas marami kang nagiging karanasan? Huwag ka laging kumapit nang mahigpit sa mga sarili mong kuru-kuro; ang gawin ito ay magbabara sa pagdaloy ng Aking buhay na tubig at hahadlang sa pagsasakatuparan ng Aking kalooban. Dapat mong malaman na ang lubos na makamit ang isang tao ay hindi isang madaling bagay. Huwag mag-isip sa masalimuot na paraan. Basta sumunod ka, at huwag nang magnilay!