Kabanata 45
Hayagan ninyong hinahatulan ang inyong mga kapatid na parang wala lang. Talagang hindi ninyo alam ang mabuti sa masama; wala kayong kahihiyan! Hindi ba’t lubhang mapangahas at walang ingat at padalos-dalos ang pag-uugaling ito? Nalilito at nabibigatan ang puso ng bawat isa sa inyo; napakarami mong dinadalang bagahe, malaki at maliit, at hindi mo ako hinahayaang magkaroon ng puwang sa loob mo. Bulag na tao! Umabot na sa sukdulan ang kalupitan ninyo—kailan ito matatapos?
Kinakausap Ko kayo mula sa Aking puso nang paulit-ulit at ibinibigay Ko sa inyo ang lahat ng mayroon Ako, pero napakamaramot ninyo at wala ni katiting na pagkatao; talagang mahirap arukin ito. Bakit kayo palaging kumakapit sa mga sarili ninyong kuru-kuro? Bakit hindi mo Ako mahayaang magkaroon ng isang lugar sa iyo? Paano Ko kayo maaaring masaktan? Hindi kayo dapat magpatuloy na umasal nang ganito—talagang hindi na nalalayo ang araw Ko mula ngayon. Huwag magsalita nang walang-ingat, umasal nang padalos-dalos, o lumaban at lumikha ng kaguluhan nang basta-basta; anong kabutihan ang madadala nito sa inyong buhay? Sinasabi Ko sa inyo nang totohanan, kahit na wala ni isang tao ang maligtas pagdating ng Aking araw, aasikasuhin Ko pa rin ang mga bagay-bagay ayon sa Aking plano. Dapat mong malaman na Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat! Walang bagay, walang tao, walang pangyayari ang nangangahas na humadlang sa Aking mga hakbang pasulong. Huwag ninyong palaging isipin na wala Akong paraan upang isagawa ang Aking kalooban nang wala kayo. Masasabi Ko sa iyo na kung itinuturing mo ang sarili mong buhay sa ganitong negatibong paraan, sisirain mo lang ang sarili mong buhay at hindi Ko ito papansinin.
Umunlad na ang gawain ng Banal na Espiritu hanggang sa isang partikular na yugto at umabot na sa isang rurok ang patotoo. Ito ang malinaw na katotohanan. Dali, buksan ninyo ang inyong mga nanlalabong mata; huwag tulutang masayang sa inyo ang Aking dugo ng puso, at huwag nang magpasasa pa sa inyong sarili. Palagi ninyong gustong gumawa ng mabubuting bagay sa harapan Ko, pero kapag wala Ako, maitataas ba ang inyong mga pagkilos at pag-uugali sa harapan Ko para masiyasat Ko? Hindi ninyo alam kung ano ang mabuti para sa inyo! Sadyang hindi kayo nakikinig sa Akin; gumagawa kayo ng isang bagay sa harapan Ko at iba sa likod Ko. Hindi pa rin ninyo napagtanto na Ako ang Diyos na nagmamasid sa kaibuturan ng puso ng tao. Sukdulan kayo sa kamangmangan!
Kalaunan, sa daan sa unahan, hindi na kayo dapat gumawa ng mga tusong panlalansi o sumali sa panlilinlang at pagiging baliko, kung hindi, magiging di-maubos-maisip ang mga kahihinatnan! Hindi pa rin ninyo lahat nauunawaan nang malinaw kung ano ang panlilinlang at pagiging baliko. Anumang mga pagkilos o mga pag-uugali na hindi ninyo kayang ipasiyasat sa Akin, na hindi ninyo hayagang mailalantad, ay panlilinlang at kabuktutan. Dapat maunawaan na ninyo ito ngayon! Kung sasali kayo sa panlilinlang at kabuktutan sa hinaharap, huwag magkunwaring hindi nakauunawa—kung gagawin ninyo iyan, sadya iyang paggawa ng mali, at doble ang inyong pagkakasala. Maghahatid lang ito sa inyo sa pagsunog sa apoy, o mas malubha pa, sa pagkapahamak ng inyong mga sarili. Maging malinaw! Ang bumababa sa inyo ngayon ay ang pagtutuwid lang ng pagmamahal; tiyak na hindi ito walang-pusong paghatol. Kung mabibigo kayong lubos na makilala ito, lubha kayong kaawa-awa, at talagang wala na kayong pag-asa. Kung hindi kayo nakahandang tumanggap ng pagtutuwid ng pagmamahal, kung gayon, tanging walang-pusong paghatol ang bababa sa inyo. Kapag nangyari iyon, huwag kayong magreklamo na hindi Ko kayo sinabihan. Hindi ito pag-iwas Ko ng responsabilidad; sa halip, ito ang kinahinatnan ng hindi ninyo pakikinig sa Aking mga salita at hindi pagsagawa ng Aking mga salita. Ipinapaliwanag Ko ito ngayon, nang hindi Ako sisihin ng mga tao kalaunan.