Kabanata 58
Dahil naintindihan mo na ang Aking layunin, makakaya mong magkaroon ng konsiderasyon para sa Aking pasanin, at maaari kang magtamo ng liwanag at paghahayag at mapapakawalan at lalaya. Mapapalugod Ako nito at magsasanhi na maisagawa ang Aking kalooban para sa iyo, magpapasigla sa lahat ng banal, at magpapatibay at magpapatag sa Aking kaharian sa lupa. Ang napakahalagang bagay ngayon ay ang maintindihan ang Aking layunin; ito ang landas na dapat ninyong pasukin at, bukod pa riyan, ito ang tungkuling dapat tuparin ng bawat tao.
Ang Aking salita ay mabisang gamot na nagpapagaling sa lahat ng uri ng karamdaman. Basta’t handa kang humarap sa Akin, pagagalingin kita at tutulutan Kong makita mo ang Aking pagiging walang-hanggang kapangyarihan, ang Aking kamangha-manghang mga gawa, ang Aking katuwiran, at ang Aking pagiging maharlika. Bukod pa riyan, pasusulyapan Ko sa inyo ang sarili ninyong katiwalian at mga kahinaan. Lubos Kong nauunawaan ang bawat kundisyon sa iyong kalooban; lagi mong ginagawa ang mga bagay-bagay sa loob ng puso, at hindi mo ito ipinapakita. Mas malinaw pa sa Akin ang tungkol sa bawat bagay na ginagawa mo. Gayunman, dapat mong malaman kung aling mga bagay ang pinupuri Ko at alin ang mga bagay na hindi Ko pinupuri; dapat ay malinaw mong matukoy ang kaibhan sa pagitan ng mga ito, at huwag itong balewalain.
Sa pagsasabing, “Kailangan tayong magpakita ng konsiderasyon sa pasanin ng Diyos,” hanggang sa salita ninyo lamang iyan. Gayunman, kapag nahaharap kayo sa mga katunayan, kahit alam na alam ninyo kung ano ang pasanin ng Diyos, hindi ninyo ito binibigyan ng anumang konsiderasyon. Talagang litung-lito kayo at mga hangal, at bukod pa riyan, sukdulan ang inyong kamangmangan. Ipinaliliwanag nito kung gaano kahirap pakitunguhan ang mga tao; ang tanging ginagawa nila ay sumambit ng mga salita na masarap pakinggan tulad ng, “Hindi ko talaga maintindihan ang layunin ng Diyos, pero kung magtatagumpay akong maintindihan iyon, siguradong kikilos ako para sundin ito.” Hindi ba ito ang inyong aktwal na kundisyon? Bagama’t alam ninyong lahat ang layunin ng Diyos, at alam ninyo ang dahilan ng inyong karamdaman, ang mahalagang isyu ay na ayaw man lamang ninyong magsagawa; ito ang inyong pinakamatinding paghihirap. Kung hindi ninyo lulutasin ito kaagad, ito ang magiging pinakamalaking balakid sa inyong buhay.