Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikapitong Bahagi)
II. Mga Interes ng mga Anticristo
D. Kanilang Kinabukasan at Kapalaran
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa ikaapat na aytem ng mga interes ng mga anticristo: ang kanilang kinabukasan at kapalaran, na nahahati sa limang karagdagang aytem. Una, balikan ang limang aytem na ito. (1. Kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos; 2. Kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin; 3. Kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan; 4. Kung paano itinuturing ng mga anticristo ang katawagang “mga tagapagserbisyo”; 5. Kung paano hinaharap ng mga anticristo ang kanilang katayuan sa iglesia.) Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa nauna sa mga aytem na ito, “Kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos.” Una, ginamit natin ang salitang “mag-aral” para ilantad ang isa sa mga pangunahing saloobin ng mga anticristo sa pagtrato nila sa mga salita ng Diyos. Ang “pag-aaral” ay isang pangunahin at pundamental na saloobin ng mga taong gaya ng mga anticristo sa pagtrato nila sa mga salita ng Diyos. Hindi talaga nila tinatrato ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng pagtanggap o pagpapasakop, at sa halip ay sinisiyasat nila ang mga ito. Talagang hindi nila tinatanggap o itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o bilang ang daan na dapat sundan ng mga tao, at hindi nila tinatrato ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng paghahanap o pagtanggap sa katotohanan. Sa halip, ang layon nila sa lahat ng bagay ay ang sarili nilang mga pagnanais at ambisyon, ang sarili nilang kinabukasan at kapalaran, at naghahanap sila ng mga hantungan, kinabukasan at kapalaran sa mga salita ng Diyos. Isa sa pangunahing saloobin nila sa pagtrato sa mga salita ng Diyos ay ang pag-uugnay nila sa mga salita ng Diyos sa sarili nilang kinabukasan at kapalaran sa bawat bagay. Batay sa saloobin nila sa pagtrato sa mga salita ng Diyos, ang kalikasang diwa ng ganitong uri ng tao ay na hindi sila tunay na nananampalataya, tumatanggap, o nagpapasakop sa mga salita ng Diyos, bagkus ay sinisiyasat at sinusuri nila ang mga ito, naghahanap sila ng mga pagpapala at mga pakinabang sa loob ng mga ito para magkamit sila ng malaking kalamangan. Batay sa saloobin nila sa pagtrato sa mga salita ng Diyos, gaano sila nananalig sa Diyos? Mayroon ba silang tunay na pananalig sa Kanya? Batay sa diwa nila, wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Kaya bakit kaya pa rin nilang panghawakan ang mga salita ng Diyos at basahin ang mga ito? Batay sa kalikasang diwa, mga layunin, at mga pagnanais nila, ayaw nilang makamit ang katotohanan at ang landas ng pagbabago sa disposisyon nila mula sa mga salita ng Diyos, nang sa gayon ay matamo nila ang kaligtasan. Sa halip, gusto nilang hanapin sa mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay na gusto nila. Ano ang hinahanap nila? Hinahanap nila ang mga misteryo, ang mga lihim na tanging Langit ang nakakaalam, at ilang matayog na doktrina at malalim na kaalaman. Samakatwid, batay sa saloobin ng ganitong uri ng tao sa pagtrato nila sa mga salita ng Diyos at sa kalikasang diwa nila, sila ay mga ganap na hindi mananampalataya. Ang nais nila ay wala nang iba kundi isang magandang hantungan, magandang kinabukasan, at magandang kapalaran. Hindi nila taos-pusong tinatanggap ang mga salita ng Diyos, sa halip, sinusubukan nilang maghanap ng iba’t ibang pagkakataon at paraan sa loob ng mga salita Niya para makuha ang mga bagay na gusto nila, at para matugunan ang mga pagnanais at ambisyon nila na magkamit ng mga pagpapala. Kaya, hinding-hindi tatratuhin ng ganitong uri ng tao ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o bilang ang daan na dapat nilang sundin. Kung may gayong saloobin ang pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos, ano naman ang saloobin nila sa isa sa mga pinakapangunahing hinihingi sa sangkatauhan sa mga salita ng Diyos—ang paggampan sa tungkulin nila bilang mga nilikha? Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa pangalawang aytem—kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin—at ilalantad natin kung ano ang mga pagpapamalas at saloobin ng mga anticristo kapag ginagawa nila ang tungkulin nila.
2. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Kanilang Tungkulin
Hindi tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng pagtanggap at pagpapasakop, kaya, siyempre ay hindi nila magawang tratuhin ang hinihingi sa Kanyang mga salita na gampanan ng sangkatauhan ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha na may saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Kaya, sa isang banda, mapanlaban sila sa tungkuling ipinagkatiwala ng Diyos sa tao at ayaw nilang gawin ang tungkulin nila, at sa kabilang banda, natatakot silang mawalan ng pagkakataon na magkamit ng mga pagpapala. Dahil dito, nagkakaroon ng isang uri ng transaksiyon. Anong transaksiyon iyon? Natutuklasan nila mula sa mga salita ng Diyos na kung hindi gagawin ng mga tao ang mga tungkulin nila, puwede silang matiwalag, na kung hindi nila gagawin ang mga tungkulin nila bilang mga nilikha, hindi sila magkakaroon ng pagkakataon na makamit ang katotohanan, at na kung hindi nila gagawin ang mga tungkulin nila bilang mga nilikha, pwede silang mawalan ng mga pagpapala sa kaharian ng langit sa hinaharap. Ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na kung hindi gagawin ng isang tao ang tungkulin niya, tiyak na mawawalan siya ng pagkakataon na magkamit ng mga pagpapala. Matapos magtamo ang mga anticristo ng gayong impormasyon mula sa mga salita ng Diyos at mula sa maraming pagbabahaginan at sermon, nagkakaroon sila ng pagnanais at interes sa kaibuturan ng puso nila na gawin ang tungkulin nila bilang mga nilikha. Ang pagkakaroon ba ng gayong pagnanais at interes ay nagpapakita na kaya nilang taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Diyos at taos-pusong gawin ang tungkulin nila? Batay sa kalikasang diwa ng mga anticristo, napakahirap marating ang puntong ito. Kung gayon, anong nagdudulot na gawin nila ang kanilang tungkulin? Dapat ay may talaan nito sa puso ng bawat isa, at dapat ay may ilang partikular na kuwento sa loob ng talaang ito. Kung gayon, ano ang hitsura ng talaang ito sa puso ng isang anticristo? Gumagawa sila ng mga napakadetalyado, tumpak, tiyak, at masusing kalkulasyon, kaya, hindi ito isang magulong talaan. Kapag nagpasya silang gawin ang kanilang tungkulin, kinakalkula muna nila: “Kung gagawin ko ang tungkulin ko ngayon, kakailanganin kong isakripisyo ang kasiyahan na makasama ang pamilya ko, at kakailanganin kong isakripisyo ang aking propesyon at ang aking makamundong kinabukasan. Kung iiwan ko ang mga bagay na ito para gawin ang aking tungkulin, ano ang makakamit ko? Sinasabi ng mga salita ng diyos na, sa huling kapanahunang ito, ang mga nakakatagpo sa diyos, na nakakagampan ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng diyos, at na nakapananatili hanggang sa huli ay ang mga nakakapagkamit ng mga dakilang pagpapala. Dahil iyon ang mga sinasabi ng mga salita ng diyos, sa palagay ko ay magagawa at maisasakatuparan ito ng diyos ayon sa mga salitang ito. Bukod pa rito, maraming ipinapangako ang diyos sa mga taong ito na nakakagawa ng kanilang tungkulin at kayang gumugol ng kanilang sarili para sa kanya!” Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga salita ng Diyos, pinipili nila ang maraming pangako ng Diyos sa huling kapanahunan sa mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin, at ito, dagdag pa sa kanilang mga personal na imahinasyon at lahat ng kuru-kurong nilikha ng kanilang sariling pagsusuri at pagsisiyasat sa mga salitang ito ay lumilikha ng malalim na interes at udyok sa paggawa ng kanilang tungkulin. Pagkatapos, nananalangin sila sa harap ng Diyos, nangangako at nanunumpa nang taimtim, itinatatag ang kanilang kahandaan na talikuran at igugol ang lahat para sa Diyos, na ialay ang buhay na ito sa Kanya at bitiwan ang lahat ng kasiyahan at kinabukasan ng laman. Bagamat nananalangin sila sa ganitong paraan at tila tama ang kanilang mga salita, ang iniisip nila sa kaibuturan ay sila lang ang nakakaalam at ang Diyos. Tila dalisay ang kanilang mga panalangin at ang kanilang kapasyahan, tila ginagawa lang nila ito para tuparin ang atas ng Diyos, upang gawin ang kanilang tungkulin at tugunan ang mga layunin ng Diyos, pero sa kaibuturan ng kanilang puso, kinakalkula nila kung paano nila makakamtan ang mga pagpapala at matatamo ang mga bagay na nais nila sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang tungkulin, at kung ano ang maaari nilang gawin para makita ng Diyos ang lahat ng kanilang isinakripisyo at upang lubos Siyang mapahanga sa kanilang ibinayad at sa kanilang nagawa, upang gugunitain Niya ang kanilang nagawa at sa huli ay pagkakalooban sila ng kinabukasan at pagpapala na nais nila. Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, nagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at malaki ang kanilang kumpiyansa na matatamo nila ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga layunin at hangarin. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita ng isang tao ang kanyang tunay na katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksyunal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga hilig, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang layunin ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasundo, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: “Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.” Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong layunin, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung titingnan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksyunal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala. Kaya, sa panlabas, bago mapatalsik, mukhang maraming anticristo ang gumagawa ng tungkulin nila at mas marami na nga silang tinalikuran at pinagdusahan kaysa sa karaniwang tao. Ang iginugugol nila at ang halagang ibinabayad nila ay kapantay ng kay Pablo, at hindi rin masasabi na hindi sila gaanong abala kumpara kay Pablo. Isa itong bagay na nakikita ng lahat. Sa usapin ng pag-uugali nila at ng kagustuhan nilang magdusa at magbayad ng halaga, nararapat na wala silang makuha. Gayumpaman, hindi tinatrato ng Diyos ang isang tao batay sa panlabas niyang pag-uugali, kundi batay sa diwa niya, sa disposisyon niya, sa kung ano ang ibinubunyag niya, at sa kalikasan at diwa ng bawat bagay na ginagawa niya. Kapag hinuhusgahan at tinatrato ng mga tao ang iba, tinutukoy nila kung sino ang mga tao batay lamang sa panlabas na kilos ng mga ito, kung gaano nagdurusa ang mga ito, at kung anong halaga ang ibinabayad ng mga ito, at isa itong mabigat na pagkakamali.
Ang saloobin ng mga anticristo sa pagtrato sa tungkulin nila ay ganito na mula pa noong simula. Pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang tungkulin nila nang may mga ambisyon, pagnanais, at mga transaksiyon. Ito ang kinakalkula at pinaplano nila sa kaibuturan ng puso nila bago gawin ang tungkulin nila. Ano ang plano nila? Ano ang pinakapunto at sentro ng mga kalkulasyon nila? Naglalayon silang magkamit ng mga pagpapala, magkaroon ng magandang hantungan, at naglalayon pa nga ang ilan na makaiwas sa sakuna. Ito ang layunin nila. Paulit-ulit nilang sinisiyasat ang mga salita ng Diyos, pero kahit anong pagsisikap nila, hindi nila makita na ang mga salita ng Diyos ay pawang katotohanan, na nasa mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa, at na kayang tulutan ng mga salita ng Diyos ang mga tao na malinis, magtamo ng pagbabago sa disposisyon, at magkamit ng kaligtasan. Hindi nila makita ang mga bagay na ito gaano man sila magsikap na maghanap. Gaano man nila basahin ang mga salita ng Diyos, ang pinaka-inaalala at pinahahalagahan nila ay walang iba kundi ang mga pagpapala at pangakong ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tumatalikod, gumugugol, nagtitiis ng paghihirap, at nagbabayad ng halaga para sa Kanya. Kapag natuklasan nila sa mga salita ng Diyos na ang pinaniniwalaan nila ay ang pinakasentro at pinakamahalagang nilalaman, para bang natagpuan nila ang kanilang “kailangan sa buhay.” Pakiramdam nila na tila magkakamit sila ng malalaking pagpapala, at iniisip nila na sila ang mga pinakapinagpala at pinakamapalad na tao sa kapanahunang ito. Kaya naman, nagagalak sila sa kaibuturan ng puso nila: “Nagkaroon ako ng magandang pagkakataon sa buhay na ito; walang sinuman sa mga apostol at propeta sa lahat ng nakaraang kapanahunan ang nakatagpo kay cristo ng mga huling araw. Ngayon, sumusunod ako kay cristo ng mga huling araw, kaya hindi ko pwedeng palampasin ang pagkakataong ito na magkamit ng malalaking pagpapala. Isa itong pagkakataon para magantimpalaan at makakuha ng korona! Hindi magkakaroon ng ganitong magandang kapalaran ang mga walang pananampalataya, at gaano man nila natatamasa ang buhay na ito o gaano man kataas ang katayuan nila, malilipol silang lahat pagdating ng malalaking sakuna. Kaya, dapat kong bitiwan ang mga kasiyahan ng laman sa mundo, dahil gaano ko man natatamasa ang mga bagay na ito, pansamantala at panandalian lamang ang mga ito. Tutuon ako sa hinaharap at magkakamit ako ng mas malalaking pagpapala at gantimpala, at ng mas malaking korona!” At kaya naman, sa puso nila, binabalaan nila ang sarili nila: “Sa paggawa ng tungkulin ko, gaano man ako magdusa o gaano man ako maging abala, makulong man ako o mapahirapan, at kahit ano pang mga paghihirap ang maranasan ko, kailangan kong magpursige, magpursige, at higit pang magpursige! Hindi ako pwedeng panghinaan ng loob, kailangan kong tiisin ang lahat ng kahihiyan at dalhin ang isang mabigat na pasanin, at magpursige hanggang sa huling sandali. Naniniwala ako na ang sinabi ng diyos na, ‘Ang sumusunod hanggang wakas ay siguradong maliligtas,’ ay nakatakdang matupad para sa akin.” Mayroon bang alinman sa mga ideya at opinyon na iniisip at pinaniniwalaan nila sa puso nila ang naaayon sa katotohanan? (Wala.) Wala sa mga ito ang naaayon sa katotohanan, at wala sa mga ito ang alinsunod sa mga salita ng Diyos o sa mga layunin ng Diyos—pawang mga kalkulasyon at plano para sa personal nilang kinabukasan at kapalaran. Sa kaibuturan ng puso nila, wala silang interes sa anumang hinihingi sa sangkatauhan na binanggit sa mga salita ng Diyos; hindi nila pinapansin ang mga ito. Sa kaibuturan ng puso nila, nasusuklam at mapanlaban sila sa paglalantad ng sangkatauhan at sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos sa kanila, at nagkakaroon pa nga sila ng mga kuru-kuro, kaya kapag nakikita nila ang mga salitang ito, nagiging mapanlaban sila sa mga ito at naaasiwa sila, at pagkatapos ay nilalaktawan lamang nila ang mga ito nang hindi binabasa. Pagdating sa mga panghihikayat, pagpapagaan ng loob, paalala, awa, at simpatiya para sa sangkatauhan sa mga salita ng Diyos, nagpapakita sila ng pagkayamot at ayaw nilang tumanggap at makinig, naniniwala sila na hindi taos-puso ang mga salitang ito. Sa puso nila, nasusuklam at mapanlaban sila sa mga salita ng Diyos ng paghatol at pagkastigo, at sa Kanyang gawain ng mga pagsubok sa mga tao, at ayaw nilang tanggapin ang mga ito, at iniiwasan nila ang mga ito. Sa halip, lubos lamang silang interesado sa mga salita tungkol sa mga pangako o pagpapala ng Diyos para sa sangkatauhan, at madalas pa nga nilang binabasa ang mga ito para matugunan ang sabik na pagnanais ng puso nila na magkamit ng mga pagpapala, sabik silang ma-rapture kaagad tungo sa kaharian ng langit at mapalaya sa lahat ng pagdurusa. Kapag hindi na nila kayang magpursige sa paggawa ng tungkulin nila, at nagkaroon sila ng mga pagdududa tungkol sa kung magkakamit ba sila ng mga pagpapala, at humihina ang “pananalig” nila, o kapag hindi matatag ang determinasyon nila at gusto nilang umurong, binabasa nila ang mga salitang ito at ginagawang motibasyon ang mga ito sa paggawa ng tungkulin nila. Hindi nila kailanman sinusubukang pagnilayan ang katotohanan sa mga salita ng Diyos sa alinman sa mga kabanata o sipi ng mga ito, at ayaw nilang maranasan ang paghatol ng mga salita ng Diyos kahit kaunti, lalong ayaw nilang makilala ang sarili nila at malinaw na makita ang realidad ng malalim na katiwalian ng sangkatauhan sa pamamagitan ng mga salitang iyon ng Diyos na naglalantad sa tiwaling diwa ng sangkatauhan. Nagbibingi-bingihan din sila sa mga layunin, hinihingi, at panghihikayat ng Diyos sa sangkatauhan, hindi nila binibigyang-pansin ang mga ito at tinatrato ang mga ito nang may saloobin ng walang paggalang at walang pakialam. Sa kaibuturan ng puso nila, naniniwala sila, “Ang sinasabi at ginagawa ng diyos ay isang pormalidad lang; sino ang makatatanggap nito? Sino ang makauunawa nito? Sino ang tunay na makakapagsagawa ayon sa mga salita ng diyos? Ang mga salitang ito ng diyos ay pawang hindi kinakailangan. Ang pinakamakatotohanan ay ang ipagpalit ng mga tao ang paggampan nila ng tungkulin sa mga pagpapala—wala nang mas makatotohanan pa kaysa rito.” Kaya, paulit-ulit silang naghahanap sa mga salita ng Diyos, at sa sandaling matagpuan nila ang landas na ito, itinuturing nila ang paggawa ng tungkulin bilang ang tanging landas sa pagkamit ng mga pagpapala. Ito ang mga layunin, pakay, at kaloob-loobang kalkulasyon ng mga anticristo kapag ginagawa ang tungkulin nila. Kaya, anong mga pagpapamalas at pagbubunyag ang ipinapakita nila habang ginagawa ang tungkulin nila na nagpapakita sa mga tao na ang diwa ng mga gayong tao ay isang ganap na anticristong diwa? Hindi aksidente na nakakayang gawin ng mga anticristo ang tungkulin nila—tiyak na ginagawa nila ang tungkulin nila nang may sarili nilang mga layunin at pakay, at pagnanais na magkamit ng mga pagpapala. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, ang pakay at saloobin nila ay tiyak na hindi maihihiwalay sa pagkamit ng mga pagpapala, sa magandang hantungan at kinabukasan at kapalaran na iniisip at inaalala nila araw at gabi. Katulad sila ng mga negosyanteng walang ibang pinag-uusapan kundi ang trabaho nila. Ang anumang ginagawa ng mga anticristo ay pawang nauugnay sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—lahat ng ito ay nauugnay sa pagkamit ng mga pagpapala at kinabukasan at kapalaran. Sa kaibuturan, ang puso nila ay punung-puno ng mga gayong bagay; ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Dahil mismo sa ganitong uri ng kalikasang diwa kaya malinaw na nakikita ng iba na ang magiging pinakawakas nila ay ang maitiwalag.
Sa mga salita ng Diyos, may mga hinihingi ang Diyos para sa lahat ng uri ng tao, at may mga hinihingi at malinaw Siyang kasabihan sa lahat ng iba’t ibang uri ng tungkulin at gawain. Ang mga salitang ito ay pawang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at dapat sundin at isagawa at tamuhin ng mga tao ang mga hinihinging ito. Anong saloobin mayroon ang mga anticristo patungkol sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos? Mayroon ba silang saloobin ng pagpapasakop? Mayroon ba silang saloobin ng mapagkumbabang pagtanggap? Tiyak na wala. Batay sa disposisyon nila, kapag pumupunta ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos para gawin ang tungkulin nila, magagawa ba nila ito nang maayos ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos? (Hindi, hindi nila magagawa.) Tiyak na hindi nila magagawa. Kapag ginagawa ng mga anticristo ang tungkulin nila, ang una nilang iniisip ay hindi kung ano ang mga prinsipyong nauugnay sa paggawa ng tungkulin nila, kung ano ang hinihingi ng Diyos, o kung ano ang mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, ang una nilang inaalam ay kung pagpapalain o gagantimpalaan ba sila sa paggawa ng tungkuling ito. Kung hindi sigurado na pagpapalain o gagantimpalaan sila, ayaw nilang gawin ang tungkuling ito; at kahit gawin nila, magiging pabaya sila. Mabigat sa kalooban na ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin para makakuha ng mga pagpapala. Itinatanong din nila kung magagawa ba nilang magpakitang-gilas at kung titingalain ba sila kapag ginawa nila ang tungkuling ito, at kung malalaman ba ng Itaas o ng Diyos kung gagawin nila ang tungkuling ito. Ito ang lahat ng bagay na isinasaalang-alang nila kapag ginagawa nila ang isang tungkulin. Ang unang gusto nilang matiyak ay kung anong mga pakinabang ang maaari nilang makuha sa paggawa ng isang tungkulin at kung maaari ba silang pagpalain. Ito ang pinakamahalagang bagay sa kanila. Hindi nila kailanman iniisip kung paano isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at suklian ang pagmamahal ng Diyos, kung paano ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos nang sa gayon makamit ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos at matamo ang kaligayahan, lalong hindi nila kailanman hinahangad na maunawaan ang katotohanan, o hinahanap kung paano lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon at isabuhay ang isang wangis ng tao. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga bagay na ito. Ang iniisip lang nila ay kung maaari ba silang pagpalain at magkamit ng mga pakinabang, kung paano magkaposisyon, kung paano magkaroon ng katayuan, kung paano nila makukuha ang pagrespeto ng mga tao, at kung paano mamukod-tangi at maging pinakamahusay sa iglesia at sa karamihan ng tao. Tiyak na ayaw nilang maging mga ordinaryong tagasunod. Gusto nilang laging maging una sa iglesia, ang may huling salita, maging mga lider, at mapakinggan sila ng lahat. Saka lamang sila makukuntento. Nakikita naman ninyo na ang puso ng mga anticristo ay nag-uumapaw sa mga bagay na ito. Tunay nga ba silang gumugugol para sa Diyos? Taos-puso ba nilang ginagawa ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha? (Hindi.) Kung gayon, ano ang gusto nilang gawin? (Ang humawak ng kapangyarihan.) Tama iyon. Sinasabi nila, “Para sa akin, gusto kong mahigitan ang lahat ng tao sa sekular na mundo. Kailangan na ako ang maging una sa anumang grupo. Ayaw kong pumangalawa lang, at hindi ako kailanman magiging isang sidekick. Gusto kong maging isang lider at ang may huling salita sa anumang grupo ng mga tao na kinabibilangan ko. Kung hindi ako ang may huling salita, susubukan ko ang lahat ng posibleng paraan para kumbinsihin kayong lahat, para respetuhin ninyo akong lahat, at para piliin ninyo ako bilang lider. Sa sandaling may katayuan na ako, ako na ang may huling salita, kailangan nang makinig sa akin ang lahat. Kailangan na ninyong gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraang gusto ko, at kailangang mapasailalim kayo sa kontrol ko.” Anumang tungkulin ang ginagawa ng mga anticristo, sisikapin nilang ilagay ang sarili nila sa mataas na posisyon, sa isang nakalalamang na posisyon. Hindi sila kailanman makokontento sa kanilang posisyon bilang isang ordinaryong tagasunod. At ano ang pinakakinahuhumalingan nila? Iyon ay ang tumayo sa harap ng mga tao na inuutusan at pinagagalitan ang mga tao, ipinagagawa sa mga tao ang kanilang sinasabi. Hindi nila iniisip kailanman kung paano gawin nang maayos ang kanilang tungkulin—lalo nang hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa ang kanilang tungkulin, upang isagawa ang katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sa halip, nag-iisip sila nang husto ng mga paraan para mapatanyag ang sarili, para tumaas ang tingin sa kanila ng mga lider at itaas sila ng ranggo, upang sila mismo ay maging lider o manggagawa, at mamuno sa ibang mga tao. Ito ang pinag-iisipan at inaasam nila buong araw. Hindi pumapayag ang mga anticristo na pamunuan ng iba, ni hindi sila pumapayag na maging ordinaryong tagasunod, lalo nang manahimik na lamang habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang walang nakukuhang atensyon. Anuman ang kanilang tungkulin, kung hindi sila maaaring maging bida, kung hindi sila maaaring maging mataas sa iba at maging lider ng ibang tao, nagiging nakababagot para sa kanila ang paggawa ng kanilang tungkulin, at nagiging negatibo sila at nagsisimulang tamarin. Kung walang papuri o pagsamba ng iba, lalong hindi ito interesante sa kanila, at lalong wala silang pagnanais na gawin ang kanilang tungkulin. Ngunit kung maaari silang maging bida habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin at sila ang may huling salita, lumalakas sila, at handang danasin ang anumang paghihirap. Palagi silang may personal na mga layunin sa pagganap sa kanilang tungkulin, at gusto nila na palagi mamukod-tangi bilang isang pamamaraan para matugunan ang kanilang pangangailangan na talunin ang iba, at matugunan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon. Habang ginagawa ang kanilang tungkulin, dagdag pa sa pagiging masyadong mapagkumpitensya—nakikipagkumpitensya, sa lahat ng bagay, para mamukod-tangi, manguna, mangibabaw sa iba—iniisip din nila kung paano mapanatili ang kanilang kasalukuyang katayuan, reputasyon at katanyagan. Kung may sinumang nagbabanta sa kanilang katayuan o katanyagan, walang nakakapigil sa kanila, at walang awa, sa pagpapabagsak at pag-aalis sa taong ito. Gumagamit pa nga sila ng kasuklam-suklam na mga kaparaanan para supilin iyong mga nagagawang hangarin ang katotohanan, na gumagawa sa kanilang tungkulin nang may katapatan at pagpapahalaga sa responsibilidad. Puno rin sila ng inggit at pagkamuhi sa mga kapatid na gumaganap nang mahusay sa kanilang tungkulin. Namumuhi sila lalo na sa mga ineendorso at inaaprubahan ng iba pang mga kapatid; naniniwala sila na malaking banta ang gayong mga tao sa pinagsisikapan nilang matamo, sa kanilang reputasyon at katayuan, at isinusumpa nila sa kanilang puso na “Ikaw o ako, ako o ikaw, walang puwang para sa ating dalawa, at kung hindi kita ibabagsak at tatanggalin, hindi ko matatanggap iyon!” Sa mga kapatid na nagpapahayag ng ibang opinyon, na naglalantad sa kanila, o nagbabanta sa kanilang katayuan, wala silang habag: Iniisip nila ang anumang maiisip nila para may makalap sila tungkol sa mga ito para husgahan at kondenahin ang mga ito, para siraan at pabagsakin ang mga ito, at hindi sila titigil hangga’t hindi nila nagagawa iyon. Mayroon lamang silang isang saloobin sa pagtrato nila sa sinumang tao: Kung banta ang taong iyon sa katayuan nila, pababagsakin nila ito at aalisin. Ang lahat ng masugid nilang tagasunod ay mga taong nambobola sa kanila, at anumang masasamang bagay na ginagawa ng mga taong ito at gaano man kalaki ang pinsalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, pagtatakpan at poprotektahan sila ng mga tagasunod nila. Habang ginagawa ang tungkulin nila, palaging pinamamahalaan ng mga anticristo ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, pinamamahalaan ang nagsasarili nilang kaharian. Ang diwa ng paggawa ng tungkulin nila ay ang ipaglaban ang nagsasarili nilang kaharian at ipaglaban ang sarili nilang kinabukasan at kapalaran.
Ang ilang anticristo ay namumuno sa humigit-kumulang isang dosenang tao sa isang maliit na pangkat, at ang iba naman ay namumuno sa isang iglesia ng mga tao o higit pa. Gaano man karaming tao ang pinamumunuan nila, kontrolado na nila ang mga taong ito habang ginagawa ang mga tungkulin nila, at ginagamit nila ang kapangyarihan bilang hari sa mga taong ito. Hindi sila nag-aalala kung gaano kinokondena at kinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong bagay, ang mahalaga lang sa kanila ay ang panatilihing mahigpit ang pagkakahawak nila sa kapangyarihan at mahigpit na kontrolin ang mga taong iyon na nasa ilalim nila, na kaya nilang kontrolin. Samakatwid, batay sa mga layunin at motibasyon ng mga anticristo sa paggawa ng mga tungkulin nila, malupit at buktot ang diwa nila. Kaya, batay sa pag-uugali nila habang ginagawa ang mga tungkulin nila, anong disposisyon ang inihahayag nila? Malupit din ang disposisyon nila. Paano nailalarawan ang malupit na disposisyong ito? Bagamat nagdurusa sila ng paghihirap at nagbabayad ng halaga habang ginagawa ang mga tungkulin nila, wala sa mga tungkuling ginagawa nila ang ginagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Habang ginagawa ang mga tungkulin nila, hindi talaga nila ipinapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, lalong hindi nila hinahanap ang mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos para sa bawat gampanin. Tinutugunan lamang nila ang pansarili nilang mga kagustuhan at ang pagnanais nila sa kapangyarihan, at pati na ang personal nilang kahilingan na palagi silang may ginagawa. Mga kondisyon ang lahat ng ito na pinaniniwalaan ng mga anticristo na magbibigay sa kanila ng korona. Nag-iilusyon silang nag-iisip: “Kung gagawin ko lang nang ganito ang mga bagay-bagay, kung magbabayad ako ng halaga, tatalikuran at igugugol ko ang sarili ko, siguradong bibigyan ako ng diyos ng korona at gagantimpalaan niya ako sa huli!” Hindi nila kailanman pinapansin o sineseryoso ang mga hinihingi at prinsipyong binibigyang-diin at paulit-ulit na isinusulong sa sangkatauhan sa mga salita ng Diyos; itinuturing lang nila ang mga iyon bilang mga kasabihan. Ang mentalidad nila ay: “Anuman ang mga hinihingi mo, hindi ko pwedeng pakawalan ang kapangyarihan ko o ang mga paghahangad ko, at hindi ko pwedeng bitiwan ang mga kahilingan o ambisyon ko. Kung wala ako ng mga bagay na ito, ano pa ang mag-uudyok sa akin o magiging motibasyon ko na gawin ang mga tungkulin ko?” Ito ang ilan sa mga pagpapamalas ng mga anticristo kapag ginagawa ang mga tungkulin nila. Anuman ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, at anuman ang mga hinihinging pamantayan at prinsipyo ng Itaas para sa iba’t ibang gampanin, hindi nakikinig ang mga anticristo at hindi nila pinapansin ang mga ito. Gaano man kapartikular ang mga salita ng Itaas, gaano man kahigpit ang mga hinihingi tungkol sa aspektong ito ng gawain, nagkukunwari silang hindi nakaririnig o hindi nakauunawa, at kumikilos pa rin sila nang walang ingat at basta-basta at nanggugulo sa ibaba, gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang mga layunin. Naniniwala sila na kung gagawin nila ang mga bagay-bagay ayon sa mga pamamaraan na hinihingi ng Itaas, mawawala ang katayuan nila, at malilipat at maglalaho ang kapangyarihang hawak nila. Naniniwala sila na ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa katotohanan at ayon sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos ay isang di-halatang pag-atake at pagkakait sa kapangyarihan nila—pag-atake ito sa personal nilang reputasyon. Iniisip nila: “Hindi ako ganoon kahangal. Kung tatanggapin ko ang mga opinyon ninyo, hindi ba’t magmumukha akong walang kakayahan at walang talento sa pamumuno? Kung tatanggapin ko ang mga opinyon ninyo, kung aaminin ko na mali ako, makikinig pa rin ba sa akin ang mga kapatid ko pagkatapos niyon? Magkakaroon pa rin ba ako ng katanyagan? Kung gagawin ko ang mga bagay-bagay ayon sa mga hinihingi ng itaas, hindi ba’t mawawalan ako ng pagkakataon na ipangalandakan ang sarili ko? Sasambahin pa rin ba ako ng mga kapatid kung magkagayon? Makikinig pa rin ba sila sa sinasabi ko? Kung wala sa kanila ang makikinig sa sinasabi ko, ano pa ang silbi ng paggawa ko ng tungkuling ito? Paano ko pa magagawa ang gawaing ito? Kung wala akong awtoridad sa grupo at bumaba ang katanyagan ko, at kung silang lahat ay makikinig sa mga salita ng diyos at magsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t magiging walang kabuluhan ang pamumuno ko? Hindi ba’t magiging parang papet na lang ako? Kung gayon, paano pa ako gaganahan sa paggawa ng mga bagay na ito? Kung walang kabuluhan ang pamumuno ko at walang saysay ang anumang ginagawa ko, magkakaroon pa kaya ako ng anumang magandang kinabukasan?” Ang nais ng mga anticristo ay maipuwesto sila sa itaas ng lahat ng iba pa sa anumang grupo, nang sa gayon ay makakuha sila ng korona at mga gantimpala sa hinaharap. Naniniwala sila na hangga’t nagiging bukod-tanging tao at pinuno sila ng iba sa gitna ng hinirang na mga tao ng Diyos, magiging karapat-dapat silang makatanggap ng korona at ng malalaking pagpapala sa hinaharap. Kaya, hindi pakakawalan ng mga anticristo ang kapangyarihang hawak nila sa anumang oras at hindi sila magpapakampante sa anumang sitwasyon. Natatakot sila na kung magpapabaya sila kahit kaunti, mawawala o hihina ang kapangyarihang hawak nila. Kapag ginagawa nila ang mga tungkulin nila, hindi nila ginagawa ang mga ito nang buong husay sa sarili nilang posisyon, hindi nila ginagawa nang maayos ang mga tungkulin nila at hindi sila nagpapatotoo sa Diyos ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi. Sa halip, ginagamit nila ang mga gayong pagkakataon para mahigpit na panghawakan ang korona na pinaniniwalaan nilang malapit na nilang matanggap. Kahit pa natutupad ng ilang anticristo ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos bilang isang hanay ng mga regulasyon, hindi pa rin niyon mapapakita na mga tao silang tumatanggap sa katotohanan at nagpapasakop sa mga salita ng Diyos. Ano ang dahilan sa likod nito? May ilang anticristo na habang ginagawa ang mga tungkulin nila ay palaging nais umangkin ng kapangyarihan at tugunan ang pagnanais nila para dito, at palaging gustong magkaroon ng katayuan at sermunan ang mga tao at utus-utusan ang mga ito mula sa isang posisyon ng katayuan. Pero ang ilang anticristo ay iba at mayroon silang ganitong pag-aalala: “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Ibig sabihin, ang sinumang sumusuong sa panganib at nagkakamali, siya ang magdurusa. Hindi ako magiging ganoon kahangal. Kahit gaano ako kahusay, tatlumpung porsiyento lang ang ibibigay ko, at ititira ko ang pitumpung porsiyento para sa sarili ko bilang reserba—dapat akong magtira nang kaunti. Anuman ang sabihin o hilingin ng sambahayan ng diyos sa akin, sa panlabas ay sasang-ayon ako, at hindi ako magiging isang taong nanggagambala o nanggugulo. Kung sino man ang namumuno, susunod ako, at sasang-ayon ako sa anumang sasabihin niya. Magiging ayos lang ako basta’t susundin ko ang mga regulasyong ibinigay ng itaas at hindi ako lalabag sa mga iyon. Tungkol naman sa paglalaan ng katapatan ko sa diyos at taos-pusong paggugol ng sarili ko para sa kanya, hindi na ito kailangan pa. Gugugol ako ng kaunting pagsisikap sa paggawa ng tungkulin ko, katanggap-tanggap na ang paggawa nang sapat lang, at hindi ako magpapakahangal. Anuman ang gawin ko, kailangan kong magtira nang kaunti para maiwasan ko na walang matanggap at na wala akong maipakitang resulta sa huli.” Ang ganitong uri ng anticristo ay naniniwala na isang kahangalan para sa iba na umako ng mga responsabilidad sa paggawa ng mga tungkulin nila at na palaging sumuong sa panganib para lutasin ang mga problema, at na hindi siya dapat maging ganoon kahangal. Sa puso niya, alam niya na kung may sinumang naghahangad ng katayuan at namamahala ng sarili niyang kapangyarihan, sa malao’t madali ay malalantad din siya, pero upang maisagawa ang katotohanan, kailangan niyang magbayad ng halaga, magsikap, mag-alay ng kanyang sinseridad, at maging tapat. Kakailanganin niyang magdusa ng maraming paghihirap, at hindi siya handang gawin iyon. Gumagamit siya ng pamamaraan ng pakikipagkompromiso, hindi siya sumusuong sa panganib o umaatras, nananatili siya sa gitna. Naniniwala siya: “Gagawin ko ang anumang ipinapagawa sa akin. Iraraos ko lang ang gawain at tatapusin ito, at kung ipapagawa ito sa akin nang mas maayos, hindi ko ito gagawin. Para magawa ito nang mas maayos, kakailanganin kong magbayad ng mas malaking halaga at suriin ang mas maraming materyal—magiging masyadong nakakapagod ito! Kung bibigyan ako ng diyos ng mga karagdagang gantimpala dahil ginawa ko iyon, ayos lang, pero parang wala namang sinasabi ang mga salita ng Diyos tungkol sa mga karagdagang gantimpala. Dahil ganito ang kaso, hindi ko na kailangang magdusa at magpakapagod; mas mabuting maghinay-hinay lang ako.” Magagawa ba nang maayos ng gayong tao ang tungkulin niya? Makakamit ba niya ang katotohanan? Matatanggap ba ng mga taong hindi nagsusumikap sa katotohanan, bagkus ay nagiging pabaya o negatibo at nagpapakatamad sa gawain nila, ang pagsang-ayon ng Diyos? Tiyak na hindi.
Ano ang pinakahalatang pagpapamalas ng isang anticristo? Una, hindi niya tinatanggap ang katotohanan, na isang bagay na nakikita ng lahat. Bukod sa hindi niya tinatanggap ang mga mungkahi ng ibang tao, higit sa lahat, hindi rin niya tinatanggap ang mapungusan. Sigurado at walang duda na hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan; kung natatanggap nila ang katotohanan, hindi sila magiging anticristo. Kaya, bakit ginagawa pa rin ng mga anticristo ang mga tungkulin nila? Ano ba mismo ang layunin nila sa paggawa ng mga tungkulin nila? Ito ay para “tumanggap ng isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na buhay.” Ganap nilang sinusunod ang kasabihang ito sa mga tungkulin nila. Hindi ba’t isa itong transaksiyon? Tiyak na isa itong transaksiyon. Batay sa kalikasan ng transaksiyong ito, hindi ba’t isa itong buktot na disposisyon? (Oo.) Kung gayon, sa anong paraan sila buktot? Mayroon bang makapagsasabi sa Akin? (Bagamat naririnig ng mga anticristo ang napakaraming katotohanang ipinapahayag ng Diyos, hinding-hindi nila hinahangad ang mga ito. Mahigpit silang kumakapit sa katayuan nila at hindi sila bumibitiw, at ginagawa lang nila ang tungkulin nila para sa pansarili nilang kapakinabangan at para gumamit ng kapangyarihan sa iba.) Medyo tama ang sagot na iyan, medyo naunawaan mo ito, pero hindi pa ito sapat na detalyado. Kung alam na alam nilang mali ang makipagtransaksiyon sa Diyos, pero nagpapatuloy pa rin sila hanggang sa huli at tumatangging magsisi, kung gayon ay malubha ang problemang ito. Sa panahon ngayon, ginagawa ng karamihan ng tao ang mga tungkulin nila nang may layuning makapagkamit ng mga pagpapala. Gusto nilang lahat na magamit ang paggampan ng mga tungkulin nila para magantimpalaan sila at makakuha ng korona, at hindi nila naiintindihan ang kahalagahan ng paggampan ng tungkulin. Kailangang pagbahaginan nang malinaw ang problemang ito. Kaya, pag-usapan muna natin kung paano nagkaroon ng tungkulin ang mga tao. Gumagawa ang Diyos para pamahalaan at iligtas ang sangkatauhan. Siyempre, may mga hinihingi ang Diyos sa mga tao, at ang mga hinihinging ito ang tungkulin nila. Malinaw na ang tungkulin ng mga tao ay nagmumula sa gawain ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, ito ang pinakanararapat na bagay na magagawa nila, ang pinakamaganda at pinakamakatarungang bagay sa gitna ng sangkatauhan. Bilang mga nilikha, dapat gampanan ng mga tao ang tungkulin nila, at saka lamang sila makatatanggap ng pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilalang sa ilalim ng kapangyarihan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay ganap na natural at may katwiran, at inorden ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ng isang nilikha ay mas makatarungan, maganda, at marangal kaysa sa anumang iba pang bagay na nagawa habang namumuhay sa lupa; wala sa sangkatauhan ang mas makabuluhan o karapat-dapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kabuluhan at halaga sa buhay ng isang nilikhang tao, kaysa sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilikha ang siyang mga nagpapasakop sa Lumikha. Hindi sumusunod sa mga makamundong kalakaran ang grupong ito; nagpapasakop sila sa pamumuno at pagpatnubay ng Diyos, nakikinig lamang sa mga salita ng Lumikha, tumatanggap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Lumikha, at namumuhay ayon sa mga salita ng Lumikha. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananalig sa Diyos. Ang matupad ng isang nilikha ang tungkulin ng isang nilikha, ang mabigyang-kasiyahan ang Lumikha, ay ang pinakamagandang bagay sa gitna ng sangkatauhan, at isa itong bagay na dapat ipalaganap bilang isang kuwento na pupurihin ng lahat ng tao. Anumang ipinagkakatiwala ng Lumikha sa mga nilikha ay dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon; para sa sangkatauhan, ito ay isang usapin ng kapwa kaligayahan at pribilehiyo, at para sa lahat ng tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha, wala nang ibang mas maganda o karapat-dapat sa pagpaparangal—ito ay isang positibong bagay. At patungkol naman sa kung paano tinatrato ng Lumikha ang mga kayang tumupad sa tungkulin ng isang nilikha, at sa kung ano ang ipinapangako Niya sa kanila, nasa Lumikha na iyon; walang kinalaman doon ang nilikhang sangkatauhan. Sa mas malinaw at simpleng pananalita, bahala na ang Diyos dito, at walang karapatang makialam ang mga tao. Makukuha mo ang anumang ibibigay sa iyo ng Diyos, at kung wala Siyang ibigay sa iyo, wala kang magagawa tungkol dito. Kapag tinatanggap ng isang nilalang ang atas ng Diyos, at nakikipagtulungan siya sa Lumikha sa pagganap sa kanyang tungkulin at ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya, hindi ito isang transaksiyon o pakikipagpalitan; hindi dapat tangkain ng mga tao na ipagpalit ang mga pagpapahayag ng mga saloobin o kilos at pag-uugali sa anumang pangako o pagpapala mula sa Diyos. Nang ipagkaloob ng Lumikha ang gawaing ito sa inyo, tama at nararapat lang na bilang mga nilikha, tatanggapin ninyo ang tungkulin at atas na ito. Mayroon bang anumang transaksiyon dito? (Wala.) Sa panig ng Lumikha, handa Siyang ipagkatiwala sa bawat isa sa inyo ang mga tungkulin na dapat gampanan ng mga tao; at sa panig ng sangkatauhan, dapat na malugod na tanggapin ng mga tao ang tungkuling ito, tratuhin ito bilang obligasyon ng kanilang buhay, at bilang halagang dapat nilang isabuhay sa buhay na ito. Walang transaksiyon dito, hindi ito pakikipagtumbasan, at lalong hindi kinasasangkutan ng anumang gantimpala o ibang pahayag na iniisip ng mga tao. Hindi ito isang kalakalan; hindi ito tungkol sa pakikipagpalitan sa halagang ibinabayad ng mga tao o sa pagsisikap na ibinibigay nila kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa ibang bagay. Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos, at hindi dapat ganito ang pagkaunawa ng mga tao rito. Nagbibigay ang Lumikha sa sangkatauhan ng isang atas, at isinasagawa ng isang nilikha ang paggampan ng kanyang tungkulin matapos niyang tanggapin mula sa Lumikha ang atas na ibinibigay ng Diyos. Sa usaping ito, sa prosesong ito, walang anumang transaksiyonal; ito ay talagang isang simple at nararapat na bagay. Para itong sa mga magulang, na matapos isilang ang kanilang anak, ay pinalalaki ito nang walang kondisyon o reklamo. Tungkol naman sa kung magiging mabuting anak ba ito, walang gayong mga hinihingi ang kanyang mga magulang mula pa sa araw na isinilang siya. Walang ni isang magulang na pagkatapos manganak ay nagsasabi, “Pinapalaki ko lang siya para paglingkuran at parangalan niya ako sa hinaharap. Kung hindi niya ako pararangalan, sasakalin ko siya hanggang sa mamatay ngayon mismo.” Walang ni isang magulang na ganito. Kaya, batay sa paraan ng pagpapalaki ng mga magulang sa mga anak nila, ito ay isang obligasyon, isang responsabilidad, hindi ba? (Oo.) Patuloy na palalakihin ng mga magulang ang kanilang anak, mabuting anak man ito o hindi, at anuman ang mga paghihirap, palalakihin nila ang anak hanggang sa umabot ito sa hustong gulang, at nanaisin nila ang pinakamagandang buhay para dito. Walang kondisyon o transaksiyon sa responsabilidad at obligasyong ito ng mga magulang para sa kanilang anak. Ang mga may kaugnay na karanasan ay nakakaunawa rito. Karamihan ng magulang ay walang hinihinging mga pamantayan sa kung mabuti ba ang kanilang anak o hindi. Kung mabuti ang anak nila, mas magiging masayahin sila kaysa kung hindi mabuti ang anak nila, at magiging mas masaya sila sa pagtanda nila. Kung hindi mabuti ang kanilang anak, hahayaan na lang nila ito. Ganito mag-isip ang karamihan ng magulang na may medyo bukas na isipan. Sa kabuuan, ito man ay mga magulang na nagpapalaki ng kanilang mga anak o mga anak na sumusuporta sa kanilang mga magulang, ang usaping ito ay usapin ng responsabilidad, ng obligasyon, at bahagi ito ng inaasahang papel ng isang tao. Siyempre, pawang maliliit na usapin lang ito kumpara sa paggampan ng isang nilikha sa tungkulin niya, pero sa mga usapin ng mundo ng tao, ang mga ito ang kabilang sa mas magaganda at mga makatarungang bagay. Hindi na kailangang sabihin na mas lalong totoo ito pagdating sa paggampan ng isang nilikha sa tungkulin niya. Bilang isang nilikha, kapag humarap ang isang tao sa Lumikha, kailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin. Ito ay isang bagay na talagang nararapat gawin, at dapat niyang tuparin ang responsabilidad na ito. Sa batayan na ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas higit na dakilang gawain sa sangkatauhan, at isinakatuparan Niya ang isang karagdagang yugto ng gawain sa mga tao. At anong gawain iyon? Tinutustusan Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, na tinutulutan silang makamit ang katotohanan mula sa Kanya habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay naiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nadadalisay sila. Kaya, natutugunan nila ang mga layunin ng Diyos at tumatahak na sila sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na mapasailalim sa mga pagpapahirap ni Satanas. Ito ang epektong gusto ng Diyos na makamtan ng sangkatauhan sa huli sa pamamagitan ng paggampan nila sa kanilang mga tungkulin. Samakatwid, sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, hindi lamang ipinapakita ng Diyos sa iyo nang malinaw ang isang bagay at ipinapaunawa ang kaunting katotohanan, ni hindi ka lamang Niya hinahayaang matamasa ang biyaya at mga pagpapala na natatanggap mo sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Bagkus, pinahihintulutan ka Niyang madalisay at maligtas, at, sa huli, ay makapamuhay sa liwanag ng mukha ng Lumikha. Ang “liwanag ng mukha” ng Lumikha na ito ay kinapapalooban ng maraming pinalawig na kahulugan at nilalaman—hindi natin ito tatalakayin ngayon. Siyempre, tiyak na magbibigay ng mga pangako at pagpapala ang Diyos sa gayong mga tao, at gagawa ng iba’t ibang pahayag tungkol sa mga ito—ibang usapan pa ang bagay na ito. Patungkol sa kasalukuyan at ngayon, ano ang tinatanggap ng lahat ng humaharap sa Diyos at gumagampan ng kanilang tungkulin bilang isang nilikha mula sa Diyos? Ang katotohanan at buhay, ang mga pinakamahalaga at pinakamagandang bagay sa sangkatauhan. Wala ni isang nilalang sa sangkatauhan ang madaling makatatanggap ng gayong mga pagpapala mula sa kamay ng Lumikha. Ang gayon kaganda at gayon kalaking bagay ay binaluktot at ginawa nang isang transaksiyon ng angkan ng mga anticristo, kung saan nangangalap sila ng mga korona at gantimpala mula sa kamay ng Diyos. Ang gayong transaksyon ay ginagawang napakapangit at napakabuktot ang isang bagay na napakaganda at napakamakatarungan. Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Kung pagbabatayan ito, hindi ba’t buktot ang mga anticristo? Talagang buktot nga sila! Isa itong pagpapamalas ng kanilang kabuktutan.
Sa mga huling araw, pumarito sa katawang-tao ang Diyos para gumawa, nagpapahayag ng maraming katotohanan, ibinubunyag sa sangkatauhan ang lahat ng misteryo ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ibinibigay ang lahat ng katotohanang dapat maunawaan at pasukin ng mga tao para maligtas. Ang mga katotohanang ito at ang mga salitang ito ng Diyos ay mga kayamanan para sa lahat ng nagmamahal sa mga positibong bagay. Ang mga katotohanan ang mga kinakailangan ng tiwaling sangkatauhan, at mga walang-katumbas na yaman din ang mga ito para sa sangkatauhan. Ang bawat isa sa mga salita, hinihingi, at layunin ng Diyos ay mga bagay na dapat maunawaan at maintindihan ng mga tao, ang mga ito ay mga bagay na dapat sundin ng mga tao para magkamit ng kaligtasan, at ang mga ito ay mga katotohanang dapat matamo ng mga tao. Ngunit itinuturing ng mga anticristo ang mga salitang ito bilang mga teorya at salawikain, nagbibingi-bingihan pa nga sila sa mga ito, at ang mas malala, kinasusuklaman at itinatatwa nila ang mga ito. Itinuturing ng mga anticristo ang pinakamahahalagang bagay sa buong sangkatauhan na mga kasinungalingan ng mga nagmamarunong. Naniniwala ang mga anticristo sa puso nila na walang Tagapagligtas, lalo nang walang katotohanan o positibong mga bagay sa mundo. Iniisip nila na anumang maganda o pakinabang ay dapat mapasakamay ng mga tao at puwersahang makuha sa pamamagitan ng pakikibaka ng tao. Iniisip ng mga anticristo na ang mga taong walang mga ambisyon at pangarap ay hinding-hindi magtatagumpay, ngunit ang puso nila ay puno ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanang ipinahayag ng Diyos. Itinuturing nila ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos bilang mga teorya at salawikain, ngunit itinuturing nila ang kapangyarihan, mga interes, ambisyon, at pagnanais bilang mga makatarungang layunin na dapat pamahalaan at hangarin. Gumagamit din sila ng serbisyong ginawa gamit ang kanilang mga kaloob bilang isang paraan upang makipagtransaksiyon sa Diyos sa pagtatangkang makapasok sa kaharian ng langit, magtamo ng mga korona, at magtamasa ng mas malalaking pagpapala. Hindi ba’t buktot ito? Paano nila binibigyang-kahulugan ang mga layunin ng Diyos? Sinasabi nila, “Pinagpapasyahan ng Diyos kung sino ang amo sa pagtingin kung sino ang pinakagumugugol at pinakanagdurusa para sa Kanya at kung sino ang nagbabayad ng pinakamalaking halaga. Pinagpapasyahan Niya kung sino ang makakapasok sa kaharian at kung sino ang tatanggap ng mga korona sa pagtingin kung sino ang nagagawang maglibot, magsalita nang mahusay, at kung sino ang may diwa ng isang bandido at kayang sumunggab ng mga bagay nang puwersahan. Sabi nga ni Pablo, ‘Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran’ (2 Timoteo 4:7–8).” Sinusunod nila ang mga salitang ito ni Pablo at naniniwala sila na totoo ang mga salita niya, ngunit hindi nila pinapansin ang lahat ng hinihingi at pahayag ng Diyos para sa sangkatauhan, iniisip na, “Hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang tanging mahalaga ay na minsan ay nakipagbaka ako ng aking pakikipagbaka at natapos ko ang aking takbo, makakatanggap ako ng isang korona sa huli. Totoo ito. Hindi ba’t iyon ang ibig sabihin ng diyos? Nagsalita na ang diyos ng libu-libong salita at nagbigay ng di-mabilang na mga sermon. Sa huli, ang ibig niyang sabihin sa mga tao ay na kung gusto ninyo ng mga korona at gantimpala, bahala kayong makipaglaban, magpakahirap, mang-agaw, at kunin ang mga iyon.” Hindi ba’t ito ang lohika ng mga anticristo? Sa kaibuturan ng kanilang puso, ganito palagi ang tingin ng mga anticristo sa gawain ng Diyos, at ganito nila binibigyang-kahulugan ang salita at plano ng pamamahala ng Diyos. Buktot ang kanilang disposisyon, hindi ba? Binabaluktot nila ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at lahat ng positibong bagay. Itinuturing nila ang plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan bilang isang malinaw na transaksiyon, at itinuturing ang tungkuling hinihingi ng Lumikha na gampanan ng sangkatauhan bilang isang malinaw na pagkamkam, paglaban, panlilinlang, at transaksiyon. Hindi ba’t ito ang buktot na disposisyon ng mga anticristo? Naniniwala ang mga anticristo na para magtamo ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng langit, dapat nilang matamo ito sa pamamagitan ng isang transaksiyon, at na ito ay patas, makatwiran, at napakalehitimo. Hindi ba’t isa itong buktot na lohika? Hindi ba ito satanikong lohika? Laging may ganitong mga pananaw at saloobin ang mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso, na nagpapatunay na ang disposisyon ng mga anticristo ay masyadong buktot.
Mula sa ilang aytem ng nilalaman na pinagbahaginan natin, nakita mo ba ang buktot na disposisyon ng mga anticristo? (Oo.) Ang unang aytem ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang tungkulin nila, tama ba? Kung gayon, paano tinatrato ng mga anticristo ang tungkulin nila? (Itinuturing ng mga anticristo ang tungkulin nila bilang isang transaksiyon na ipinagpapalit nila para sa sarili nilang hantungan at mga interes. Gaano man nagsikap na gumawa ang Diyos sa mga tao, gaano karaming salita ang nasabi Niya sa kanila, at gaano karaming katotohanan ang naipahayag Niya sa kanila, binabalewala ng mga anticristo ang lahat ng ito at patuloy na ginagawa ang tungkulin nila nang may layunin na makipagtransaksiyon sa Diyos.) Itinuturing ng mga anticristo ang tungkulin nila bilang isang transaksiyon. Ginagawa nila ang tungkulin nila nang may layunin na makipagtransaksiyon at magkamit ng mga pagpapala. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay alang-alang sa pagkakamit ng mga pagpapala, at na angkop lang na magkamit ng mga pagpapala sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin nila. Binabaluktot nila ang positibong bagay na paggampan sa tungkulin at hinahamak nila ang halaga at kabuluhan ng paggampan sa tungkulin bilang isang nilikha, habang hinahamak din nila ang pagiging lehitimo ng paggawa nito; ginagawa nilang isang transaksiyon ang tungkulin na dapat natural na ginagampanan ng mga nilikha. Ito ang kabuktutan ng mga anticristo; ito ang unang aytem. Ang ikalawang aytem ay na hindi naniniwala ang mga anticristo sa pag-iral ng mga positibong bagay o sa katotohanan, at hindi sila naniniwala o kumikilala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Ano ang buktot tungkol dito? Ang mga salita ng Diyos ang realidad ng lahat ng positibong bagay, pero hindi ito nakikita at hindi kinikilala ng mga anticristo. Itinuturing nila ang mga salita ng Diyos bilang mga islogan, bilang isang uri ng teorya, at binabaluktot nila ang katunayan na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Ano ang pinakamalaki at pangunahing problema rito? Nais gamitin ng Diyos ang mga salitang ito para iligtas ang sangkatauhan, at kailangang tanggapin ng tao ang mga salita ng Diyos bago ito malinis at magtamo ng kaligtasan—ito ay isang katunayan, at ito ang katotohanan. Hindi kinikilala o tinatanggap ng mga anticristo ang pangakong ito ng Diyos sa sangkatauhan. Sinasabi nila, “Maligtas? Malinis? Para saan iyon? Walang silbi ito! Kung malilinis ako, talaga bang maliligtas ako at makakapasok sa kaharian ng langit? Sa tingin ko ay hindi!” Hindi nila pinapansin ang bagay na ito at hindi sila interesado rito. Ano ang lihim na ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan; naniniwala sila na mga kasabihan at doktrina lamang ang mga ito. Hindi sila naniniwala o hindi nila kinikilala na makakalinis o makapagliligtas sa mga tao ang mga salita ng Diyos. Ito ay maihahalintulad noong tinukoy ng Diyos si Job bilang isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at bilang isang perpektong tao. Katotohanan ba ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos? (Oo.) Kung gayon, bakit nagsasabi ang Diyos ng gayong bagay? Ano ang batayan? Inoobserbahan ng Diyos ang pag-uugali ng mga tao, sinisiyasat Niya ang puso nila, at nakikita Niya ang diwa nila, at batay rito, sinabi Niya na may takot si Job sa Diyos at umiwas ito sa kasamaan at na isa itong perpektong tao. Inobserbahan ng Diyos si Job nang hindi lang isa o dalawang araw, at mahigit din sa isa o dalawang araw ang mga pagpapamalas ni Job ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at tiyak na hindi sakop ang isa o dalawang usapin lamang. Kung gayon, ano ang naging saloobin ni Satanas sa katunayang ito? (Isang nagdududa at nag-aalinlangang saloobin.) Hindi lang nagdududa si Satanas, itinatwa rin niya ito. Ang malinaw na ibig sabihin ng kanyang mga salita ay “Napakarami mong ibinigay kay Job, kabilang na ang mga baka, tupa at hindi mabilang na ari-arian. May dahilan siya para sambahin ka. Sinasabi mo na isang perpektong tao si Job, pero walang katuturan ang mga salita mo. Ang mga salita mo ay hindi ang katotohanan, hindi tunay, hindi tumpak, at itinatatwa ko ang mga salita mo.” Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ni Satanas? (Oo.) Sinabi ng Diyos, “May takot si Job sa Diyos at umiiwas siya sa kasamaan, isa siyang perpektong tao.” Ano ang sinabi ni Satanas? (Sasambahin ba niya ang diyos nang walang dahilan?) Sinabi ni Satanas, “Mali, hindi siya perpektong tao! Nakatanggap siya ng mga pakinabang at pagpapala mula sa iyo, kaya siya may takot sa iyo. Kung kukunin mo ang mga pakinabang at pagpapalang ito, hindi na siya matatakot sa iyo—hindi siya perpektong tao.” Kaya, sa bawat pangungusap na sinasabi ng Diyos, nilalagyan ito ng tandang pananong at ekis ni Satanas. Itinatatwa ni Satanas ang mga salita ng Diyos, at itinatatwa rin nito ang mga depinisyon o pahayag ng Diyos sa anumang bagay. Pwede ba nating sabihin na itinatatwa ni Satanas ang katotohanan? (Oo.) Ito ang katunayan. Kaya, ano ang saloobin ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos na naglalantad, humahatol, at kumakastigo sa sangkatauhan, at naglalatag ng iba’t ibang partikular na hinihingi sa sangkatauhan? Kinikilala ba nila ang mga ito at sinasabi ang “Amen”? Kaya ba nilang sumunod sa mga ito? (Hindi, hindi nila kaya.) Pwede mong sabihin na ang agarang tugon ng mga anticristo sa lahat ng uri ng salita ng Diyos sa kanilang puso ay, “Mali! Ganito ba talaga ito? Bakit ba kung ano ang sinasabi mo ay dapat ganoon talaga? Hindi iyan tama—hindi ako naniniwala riyan. Bakit masyadong hindi kanais-nais ang sinabi mo? Hindi magsasalita ng ganyan ang diyos! Kung ako ang magsasalita, dapat itong sabihin sa ganitong paraan.” Batay sa mga saloobing ito ng mga anticristo patungkol sa Diyos, makakaya ba nilang sundin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? Tiyak na hindi. Ito ang kabuktutang taglay nila; ito ang pangalawang aytem. Ang pangatlong aytem ay kung ano ang iniisip ng mga anticristo tungkol sa layonn ng plano ng pamamahala ng Diyos, na kung saan nais ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, at tulutan ang sangkatauhan na makalaya mula sa tiwaling disposisyon ni Satanas at sa mga puwersa ng kadiliman at magtamo ng kaligtasan. Bakit sinasabi na buktot ang disposisyon nila? Naniniwala sila na isa itong transaksiyon, at pinaniniwalaan pa nga nila na isa lamang itong laro. Isang laro sa pagitan nino? Isang laro sa pagitan ng isang diyos ng alamat at isang grupo ng mga mangmang at hangal na tao na nagnanais makapasok sa kaharian ng langit at makalaya mula sa mundo ng pagdurusa. Isa rin itong transaksiyon kung saan ang magkabilang panig ay mga kusang-loob na kalahok, kung saan ang isang panig ay handang magbigay at ang kabilang panig ay handang tumanggap. Ganito ang larong ito. Ganito ang tingin nila sa plano ng pamamahala ng Diyos—hindi ba’t ito ang paghahayag ng buktot na disposisyon ng mga anticristo? Dahil puno ng mga ambisyon ang mga anticristo, at dahil nagnanais sila ng isang hantungan at mga pagpapala, binabaluktot nila ang pinakamagandang gawain ng sangkatauhan at ang gawain ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan at ginagawa nila itong isang laro, isang transaksiyon—ito ang buktot na disposisyon ng mga anticristo. Dagdag pa rito, mayroon pang isang pagpapamalas ang mga anticristo, na mukhang katawa-tawa at kakatwa. Bakit ito kakatwa? Hindi naniniwala ang mga anticristo sa lahat ng gawaing nagawa ng Diyos, hindi rin sila naniniwala na ang lahat ng sinabi ng Diyos ay ang katotohanan at na makakapagligtas sa sangkatauhan, pero walang kapaguran silang handang magtiis ng paghihirap, magbayad ng halaga, at gumawa at magpadali ng transaksiyong ito. Hindi ba’t nakakatawa ito? Siyempre, hindi ito ang kabuktutan ng mga anticristo, kundi ang kahangalan ng mga anticristo. Sa isang banda, hindi sila naniniwala na umiiral ang Diyos, hindi nila kinikilala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at binabaluktot pa nga nila ang plano ng pamamahala ng Diyos, pero sa kabilang banda, nais pa rin nilang magkamit ng mga personal na pakinabang mula sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang plano ng pamamahala. Sa madaling salita, sa isang banda, hindi sila naniniwalang umiiral ang lahat ng katunayang ito, lalo na sa pagiging tunay ng mga ito, habang sa kabilang banda naman, nais pa rin nilang makakuha ng mga pakinabang at samantalahin ang bawat pagkakataon, nais na maging opportunista at kamtin ang mga bagay na hindi nila makuha sa mundo, habang iniisip pa rin na napakamautak nila. Hindi ba’t nakakatawa ito? Nililinlang nila ang sarili nila at lubha silang hangal.
Kanina lang ay hinimay natin ang buktot na disposisyon ng mga anticristo gamit ang tatlong pagpapamalas, at nagtapos tayo sa isa pa: Napakahangal ng mga anticristo, hindi mo alam kung matatawa ka ba o maiiyak. Ano ang tatlong pagpapamalas? (Una, itinuturing ng mga anticristo na isang transaksiyon ang paggawa ng kanilang tungkulin; ikalawa, hindi kinikilala ng mga anticristo ang salita ng Diyos, hindi sila naniniwala na positibong bagay ang salita ng Diyos, at hindi nila kinikilala na ang salita ng Diyos ay makapagliligtas sa mga tao, sa halip, itinuturing nila ang salita ng Diyos bilang mga teorya at islogan; ikatlo, itinuturing ng mga anticristo ang layon ng plano ng pamamahala ng Diyos—ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao—bilang isang hayagang transaksiyon at isang laro.) At ano ang isa pang pagpapamalas? (Ang pagiging katawa-tawa at matinding kahangalan ng mga anticristo.) Hindi ba’t masyadong partikular ang mga ito? (Oo.) Masasabi ba ninyo na ang uri ng taong nagtataglay ng ganitong disposisyon ay may medyo di-normal na mentalidad at katwiran? (Oo.) Sa anong paraan sila di-normal? (Gusto ng mga anticristo na makipagtransaksiyon sa Diyos at makatanggap ng kinabukasan at hantungan mula sa Diyos, pero hindi pa rin sila naniniwala sa plano ng pamamahala ng Diyos o na kayang iligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Ang pag-iisip nila ay magkasalungat, ang mga bagay na gusto nila ay ang mga bagay na itinatatwa nila. Likas itong walang katuturan, kaya di-normal ang kanilang katwiran at may problema sa kanilang mentalidad.) Ipinapakita nito na wala silang normal na pagkatao. Hindi nila alam na kinokontra nila ang kanilang sarili sa mga ganitong paraan ng pag-iisip at kalkulasyon. Paano ito nangyayari? (Palagi nilang sinusunod ang maling landas dahil hindi nila kailanman tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan.) At alam ba nila na mali ang landas na tinatahak nila? Tiyak na hindi nila alam. Kung alam nila na hahantong ito sa pagdurusa ng mga kawalan, tiyak na hindi nila ito gagawin. Iniisip nila na kung gagawin nila ito, magkakaroon sila ng kalamangan: “Tingnan ninyo kung gaano ako katalino. Wala sa inyo ang nakakakilatis sa mga bagay-bagay; mga hangal kayong lahat. Bakit masyado kayong taos-puso? Nasaan ang diyos? Hindi ko siya makita o mahawakan, at walang garantiya na maisasakatuparan ang mga pangako ng diyos! Tingnan ninyo kung gaano ako katalas—kapag humahakbang ako pasulong, sampung naunang hakbang na ang iniisip ko, pero hindi man lang kayo nagkakalkula para sa isang hakbang.” Iniisip nila na napakamautak nila. Kaya, pagkatapos ng dalawa o tatlong taon ng paggawa ng kanilang tungkulin, iniisip ng ilang tao, “Ilang taon ko nang ginagawa ang tungkulin ko pero wala pa rin akong nakamit na kahit ano, wala akong nasaksihang anumang milagro o nakitang kakaibang penomena. Kumakain ako nang tatlong beses sa isang araw noon, at ganoon pa rin ngayon. Kung hindi ako kakain sa oras ng kainan, magugutom ako. Kung mababawasan ng isa o dalawang oras ang tulog ko sa gabi, aantukin pa rin ako sa umaga. Hindi naman ako nagkaroon ng anumang espesyal na kapangyarihan! Sinasabi ng lahat na makapangyarihan ang diyos at makakatanggap ka ng mga dakilang pagpapala kung gagawin mo ang iyong tungkulin. Ilang taon ko nang nagawa ang tungkulin ko, pero wala namang nag-iba. Hindi ba’t ganito pa rin ito? Madalas akong may kahinaan, pagkanegatibo, at mga reklamo. Sinasabi ng lahat na kayang baguhin ng katotohanan ang mga tao at kayang baguhin ng salita ng diyos ang mga tao, pero hindi pa rin ako nagbago kahit kaunti. Sa puso ko, madalas pa rin akong nangungulila sa mga magulang ko, sa mga anak ko, at ginugunita ko pa nga ang dati kong buhay sa mundo. Kung gayon, ano ba talaga ang ginagawa ng diyos sa mga tao? Ano ba ang nakamit ko? Sinasabi ng lahat na kapag ang mga tao sa ay nananampalataya diyos at natatamo ang katotohanan, mayroon silang nakakamit, pero kung mayroon nga, hindi ba’t magiging iba na sila sa karamihan? Ngayon, tumatanda na ako, at hindi na kagaya ng dati ang kalusugan ko. Dumami na rin ang mga kulubot sa mukha ko. Hindi ba’t sinasabi nila na mas bumabata ang mga taong nananampalataya sa diyos habang mas tumatagal? Bakit tumatanda ako sa halip na bumabata? Sabagay, hindi naman tumpak ang mga salita ng diyos; kailangan kong magplano para sa sarili ko. Nakikita ko na ito na lang ang lahat ng napapala sa pananampalataya sa diyos, araw-araw na abala sa pagbabasa ng salita ng diyos, pagdalo sa mga pagtitipon, pagkanta ng mga himno, at paggawa ng aking tungkulin. Mukhang nakakabagot ito at wala akong nararamdamang pagkakaiba sa dati.” Kapag ganito na ang iniisip nila, magkakaproblema sila, hindi ba? Patuloy nilang iniisip, “Nagdurusa na talaga ako ngayon sa paggawa ng aking tungkulin, tila napakalayo ng mga pangako at pagpapala ng diyos. Bukod pa rito, namamatay sa mga sakuna ang ilang taong nananampalataya sa diyos, kaya pinoprotektahan nga ba ng diyos ang tao? Sabihin nating hindi, kung gayon, ang mga artikulo ng patotoo na isinulat ng ilang tao na nagsasabing gumawa ng mga milagro ang diyos para iligtas ang buhay nila sa mga pinakamapanganib na sandali, totoo ba ang mga ito o hindi?” Pinag-iisipan nila ito nang mabuti, at sa puso nila, hindi sila nakakatiyak, at kapag ipinagpapatuloy nila ang paggawa ng kanilang tungkulin, wala na silang sigla at gana, at hindi na sila aktibo. Palagi silang umaatras at nagsisimula silang mawalan ng gana at maging pabaya sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ano ang mga kinakalkula nila sa isipan nila? “Kung hindi ako makakatanggap ng mga pagpapala, kung palagi na lang ganito, kailangan ko nang gumawa ng ibang mga plano. Kailangan kong planuhin ulit kung ipagpapatuloy ko pa ba ang tungkulin ko o hindi, at kung paano ko ito gagawin sa hinaharap. Hindi na ako dapat maging ganito kahangal. Kung hindi, hindi ko makukuha ang aking kinabukasan at hantungan sa hinaharap, o ang aking korona, at hindi ko rin matatamasa ang makamundong kaligayahan. Kapag nagkagayon, hindi ba’t magiging walang saysay at sayang lang ang lahat ng pagsisikap ko? Kung patuloy akong walang matatanggap gaya ngayon, mas mabuti pa pala ang lagay ko noon, nagtatrabaho at naghahangad sa mundo habang paimbabaw na nananampalataya sa diyos. Kung hindi kailanman sasabihin ng diyos kung kailan matatapos ang gawain, kung kailan niya gagantimpalaan ang mga tao, kung kailan matatapos ang tungkulin, at kung kailan hayagang magpapakita ang diyos sa sangkatauhan, kung hindi kailanman bibigyan ng diyos ng mga tumpak na paliwanag ang mga tao, ano pa ang silbi ng pag-aaksaya ko ng oras dito? Mas mabuti pang bumalik na lang ako sa paghahanapbuhay sa mundo at pagtatamasa ng makamundong kaligayahan. Kahit papaano, hindi masasayang ang buhay ko. Tungkol naman sa darating na mundo, sino ba ang nakakaalam? Lahat ng ito ay lingid sa kaalaman, kaya sa ngayon, mabuti pang sulitin ko na lang ang buhay na ito.” Hindi ba’t may naging pagbabago sa isipan nila? Kapag nagkakalkula sila sa ganitong paraan at tinatahak nila ang maling landas, magagawa pa ba nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin? (Hindi.) May ilan na nagsasabi: “Mahilig ang mga anticristo sa katayuan, hindi ba? Kung bibigyan mo sila ng posisyon, hindi ba’t mananatili sila sa sambahayan ng Diyos?” Kailangan ba ng mga anticristo ng katayuan sa panahong ito? Marahil, hindi ang katayuan ang pinakamahalaga para sa kanila sa oras na ito. Ano ang kailangan nila? Ang kailangan nila ay bigyan sila ng Diyos ng tumpak na paliwanag. Kung hindi sila makakapagkamit ng mga pagpapala, aalis sila. Sa isang banda, kung hindi sila mailalagay sa isang mahalagang posisyon habang ginagawa ang kanilang tungkulin, pakiramdam nila ay walang kasiguruhan, malabo at walang pag-asa ang kanilang hinaharap. Sa kabilang banda, kung habang ginagawa ang kanilang tungkulin, hindi nangyayari ang mga inaasahan nila—kung hindi nila personal na nasasaksihan ang pagbaba ng Diyos nang may kaluwalhatian sa araw na matapos ang Kanyang dakilang gawain, o kung hindi sasabihin sa kanila ng Diyos sa malinaw na wika kung anong taon, buwan, araw, oras, at minuto Siya hayagang magpapakita sa sangkatauhan, kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, at kung kailan darating ang malalaking sakuna, kung hindi Niya sasabihin ang mga bagay na ito sa kanila sa malinaw na wika, mababalisa ang kanilang puso. Hindi nila nagagawa ang kanilang mga tungkulin habang nananatili sa kanilang tamang puwesto, at hindi nila kayang makontento sa sitwasyong ito. Ang gusto nila ay resulta, gusto nila na bigyan sila ng Diyos ng pahayag sa malinaw na wika at ipaalam sa kanila nang tiyak kung maaari ba nilang matanggap ang lahat ng bagay na inaasam nila. Kung naghihintay sila nang napakatagal para sa pahayag na ito at wala pa rin, iba na naman ang kakalkulahin nila sa kanilang isipan. Ano iyon? Kakalkulahin nila kung sino ang makapagbibigay sa kanila ng kaligayahan, sino ang makapagbibigay ng mga bagay na gusto nila, at kung hindi nila makukuha ang mga bagay na iyon sa darating na mundo, kailangan nilang makuha ang lahat ng inaasam nila ngayon sa buhay na ito. Kung makapagbibigay sa kanila ang mundong ito at ang sangkatauhan ng mga pagpapala, kaginhawahan at mga kasiyahan ng laman, at ng isang reputasyon at katayuan sa buhay na ito, tatalikuran nila ang Diyos anumang oras, sa anumang sitwasyon, at mamumuhay sila nang komportable. Ito ang mga kinakalkula ng mga anticristo. Sa sambahayan ng Diyos, kaya nilang bitiwan ang kanilang tungkulin at ihinto ang gawaing hawak nila anumang oras at sa anumang sitwasyon, para hangarin ang mga makamundong kaligayahan at kinabukasan. Nagagawa pa ngang ipagkanulo ng ilan ang mga kapatid, ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipagkanulo ang Diyos para makakuha ng mga makamundong pakinabang at kinabukasan. Kaya, gaano man kahusay tingnan ang mga anticristo sa paggampan nila sa kanilang mga tungkulin, gaano man sila kagaling, lahat sila ay kayang bitiwan ang kanilang mga tungkulin, ipagkanulo ang Diyos, at iwan ang sambahayan ng Diyos sa anumang oras, sa anumang sitwasyon. Kaya nilang ipagkanulo ang sambahayan ng Diyos sa anumang oras, sa anumang sitwasyon, nagiging isang Hudas. Kung ginagawa ng mga anticristo ang kanilang mga tungkulin, di-maiiwasang gagamitin nila ito bilang isang bentaha. Tiyak na susubukan nilang tugunan ang kanilang sariling pagnanais na magkamit ng mga pagpapala sa loob ng maikling panahon—sa pinakamababa ay susubukan muna nilang tugunan ang kanilang pagnanais para sa mga pakinabang ng katayuan at kamtin ang paghanga ng iba, at pagkatapos ay susubukang pumasok sa kaharian ng langit at tanggapin ang kanilang gantimpala. Ang oras na inilaan nila sa paggawa ng tungkulin nila ay maaaring tatlong taon, o lima, o kahit sampu o dalawampung taon pa nga. Ito ang nakalaang oras na ibinibigay nila sa Diyos, at ito rin ang pinakamahabang oras na ibinibigay nila sa kanilang sarili sa paggawa ng kanilang tungkulin. Kapag naubos na ang nakalaang oras na ito, umabot na rin sa hangganan nito ang kanilang pagtitiis. Habang kaya nilang makipagkompromiso para sa kanilang sariling pagnanais para sa mga pagpapala, sa isang magandang hantungan, sa isang korona at mga gantimpala, at kaya nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga sa sambahayan ng Diyos, kahit sa paglipas ng panahon, hindi nila kailanman makakalimutan o mabibitiwan ang kanilang kinabukasan at tadhana, o ang kanilang mga pansariling ambisyon at pagnanais, at lalong hindi magbabago o manghihina ang mga bagay na ito sa paglipas ng panahon. Kaya, batay sa diwang ito ng mga anticristo, sila ay lubusang mga hindi mananampalataya at mga oportunista na ayaw sa mga positibong bagay at nagmamahal lang sa mga negatibong bagay, isang grupo ng mga taong mababang-uri na nagpapanggap lamang sa loob ng sambahayan ng Diyos, kahiya-hiya ang mga taong ito.
Isa sa mga pangunahing layunin at saloobin ng mga anticristo sa kanilang tungkulin ay ang gamitin ito bilang isang pagkakataon para makipagtransaksiyon sa Diyos at para makamit ang mga pakinabang na nais nila. Naniniwala rin sila: “Kapag inaabandona ng mga tao ang kanilang mga pamilya at tinatalikuran ang kanilang mga makamundong kinabukasan para gawin ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng diyos, natural lang na dapat may makamit sila, may makuhang kapalit, patas at makatwiran lang ito. Kung ginagawa mo ang tungkulin mo at wala kang natatanggap, kahit pa nakakatanggap ka ng ilang katotohanan, hindi sulit ito. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi rin ganoon kakongkretong pakinabang—kahit na nakatanggap ka ng kaligtasan, walang makakakita nito!” Nagbubulag-bulagan ang mga hindi mananampalatayang ito sa anumang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi nila ito kinikilala o pinaniniwalaan, at mayroon silang saloobin ng pagtatwa. Batay sa mga saloobin at layunin ng mga anticristo sa pagtrato nila sa kanilang tungkulin, malinaw na hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan, kundi mga hindi mananampalataya at mga oportunista; nabibilang sila kay Satanas. Narinig na ba ninyo na kaya ni Satanas na tapat na gumawa ng tungkulin? (Hindi.) Kung kaya ni Satanas na gawin ang kanyang “tungkulin” sa harap ng Diyos, kung gayon, dapat na nakapaloob sa mga panipi ang tungkuling ito dahil ginagawa ito ni Satanas nang pasibo at sapilitan lamang, si Satanas ay minamanipula ng Diyos, at sinasamantala ito ng Diyos. Kaya, dahil sa kanilang anticristong diwa, at dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil tutol sila sa katotohanan, at higit pa rito, dahil sa kanilang buktot na kalikasan, hindi kayang gawin ng mga anticristo ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha nang walang kondisyon o walang kabayaran, at hindi rin nila kayang hangarin o kamtin ang katotohanan habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, o gawin ang mga ito ayon sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos. Dahil sa kalikasan nilang ito, sa saloobin ng pagtrato nila sa kanilang mga tungkulin at dahil sa iba’t ibang pagpapamalas habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, ang pagtrato ng mga anticristo sa kanilang tungkulin ay nagiging pabaya. Habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang gumawa ng kasamaan at gampanan ang papel ng panggagambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos sa anumang oras, sa anumang sitwasyon. Ano ang pangunahin at prominenteng pagpapamalas habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin? Ito ay ang sutil at basta-bastang pagkilos, ang pagiging batas sa sarili nila, at paggawa ng mga bagay-bagay nang hindi kumokonsulta sa iba. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay sa kahit anong paraan na gusto nila, nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan. Iniisip lang nila kung paano sila makakaangat at kung paano nila makokontrol ang mas maraming tao sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang mga tungkulin. Gusto lang nilang ipakita sa Diyos na nagtiis sila ng paghihirap at nagbayad ng halaga sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, na mayroon silang kapital at may karapatang humingi sa Diyos ng mga gantimpala at isang korona, para maisakatuparan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais at makamit ang kanilang layon na makatanggap ng mga pagpapala.
Habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, palaging nagkakalkula ang mga anticristo para sa kanilang sariling kinabukasan at tadhana: kung ilang taon na nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, kung gaano karaming paghihirap ang tiniis nila, gaano karami ang tinalikuran nila para sa Diyos, gaano kalaki ang halagang ibinayad nila, gaano karaming lakas ang naigugol nila, ilang taon ng kanilang kabataan ang isinuko nila, at kung may karapatan na ba sila ngayon na tumanggap ng mga gantimpala at ng isang korona; kung sapat na ba ang kanilang naipon na kapital sa mga taon na ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, kung sa tingin ng Diyos, sila ba ay isang taong pinapaboran sa harap Niya, at kung sa tingin ng Diyos, sila ba ay isang taong maaaring tumanggap ng mga gantimpala at ng isang korona. Habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, patuloy silang nagtitimbang, nagkakalkula, at nagpaplano sa ganitong paraan, habang inoobserbahan ang mga salita at ekspresyon ng iba at ang mga pagsusuri at pahayag ng mga kapatid tungkol sa kanila. Siyempre, ang pinakapinag-aalala nila ay kung alam ba ng Itaas na umiiral sila, at na ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Mas ipinag-aalala pa nga nila kung ano ang tingin ng Itaas sa kanila, kung ano ang sinasabi at pagsusuri ng Itaas tungkol sa kanila, kung nauunawaan ba ng Itaas ang kanilang “mabubuting layunin” sa pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga, kung malinaw sa Itaas ang pagdurusa at mga kapighatian na tiniis nila sa mga taon na sumusunod sila sa Diyos, at kung paano hinahatulan ng Diyos sa langit ang lahat ng kanilang ginagawa. Kasabay ng pagpapakaabala nila sa mga tungkuling hawak nila, patuloy ring nagkakalkula ang isipan nila, at hinahangad nilang makapangalap ng impormasyon mula sa iba’t ibang mapagkukunan at timbangin kung makakaiwas ba sila sa mga sakuna, makakapagkamit sa pagsang-ayon ng Diyos at makakatanggap sa di-kilalang koronang iyon at sa mga pagpapala. Ito ang mga bagay na madalas nilang kinakalkula sa kaibuturan ng kanilang puso, ang pinakapangunahin at pinakakaibuturang bagay na kinakalkula nila sa kada sandali ng bawat araw. Gayumpaman, hindi nila kailanman sinubukang pag-isipan o pagnilayan kung sila mismo ay mga taong nagsasagawa sa katotohanan; kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan nila; kung gaano karaming katotohanang nauunawaan nila ang aktuwal nilang maisasagawa; kung tunay na bang nagbago ang kanilang disposisyon; kung mayroon bang kahit katiting na sinseridad, o anumang karumihan, transaksiyon, o kahilingan na nakapaloob sa mga bagay na ginagawa nila para sa Diyos; kung gaano karaming katiwalian ang ibinunyag nila sa paggampan ng kanilang mga tungkulin; kung ang bawat tungkulin at gampaning ginagawa nila araw-araw ay ginagawa ba ayon sa mga katotohanang prinsipyo; at kung pasok ba sa pamantayan ang paggampan nila sa kanilang mga tungkulin at kung natutugunan nito ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila kailanman pinagninilayan o sinusubukang pag-isipan ang mga bagay na ito. Kinakalkula lang nila kung maaari ba silang magkamit ng mga pagpapala sa hinaharap at kung ano ang hantungan nila. Kinakalkula lang nila ang kanilang sariling mga interes at sariling mga pakinabang at kawalan, pero hindi sila kailanman gumugugol ng anumang lakas o pagsisikap para sa katotohanan, sa pagbabago ng disposisyon, o sa kung paano matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang mga anticristo ay hindi kailanman nagsasanay ng pagninilay-nilay, pagkilala, o paghihimay-himay sa kanilang sariling tiwaling disposisyon o sa mga maling landas na tinahak nila, at hindi nila kailanman iniisip kung paano babaguhin ang kanilang sariling maling perspektiba. Hindi sila kailanman mamumuhi na nilabag nila ang katotohanan at na gumawa sila ng maraming masamang bagay para labanan ang Diyos, hindi nila kailanman kamumuhian ang kanilang sarili dahil namumuhay sila ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, at hindi sila kailanman makakaramdam ng pagsisisi sa mga maling landas na tinahak nila o sa mga bagay na ginawa nila para manggambala at manggulo. Habang ginagawa ang kanilang tungkulin, bukod sa tinatago nila ang kanilang sariling kakulangan, mga kahinaan, pagiging negatibo, pagiging pasibo, at tiwaling disposisyon sa anumang paraan, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para itanghal ang kanilang sarili para makaangat, at iniisip nila ang lahat ng posibleng paraan para ipakita sa Diyos at sa hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang mga talento, kaloob, at abilidad. Ginagamit nila ito para aluin ang kanilang sarili at ipaisip sa kanilang sarili na mayroon silang kapital at katiyakan na makakakuha sila ng korona at mga gantimpala, at na hindi na sila kailangang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Samakatwid, hindi matino ang katwiran ng mga anticristo. Gaano man pinagbabahaginan ang katotohanan, at gaano man ito kalinaw na pinagbabahaginan, hindi pa rin nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o kung para saan ba talaga ang pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang tamang landas na dapat tahakin ng mga tao. Dahil sa kanilang buktot na disposisyon, dahil sa kanilang buktot na kalikasan, at dahil sa kalikasang diwa ng mga gayong tao, sa loob-loob ay hindi nila matukoy kung ano talaga ang katotohanan at ano ang mga positibong bagay, kung ano talaga ang tama at ano ang mali. Mahigpit nilang pinanghahawakan ang kanilang sariling mga ambisyon at pagnanais, itinuturing ang mga ito bilang ang katotohanan, bilang ang tanging mga layon sa buhay, at bilang ang pinakamatarungang gawain. Hindi nila alam ang katotohanan na kung ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago, sila ay magiging kaaway ng Diyos magpakailanman, at hindi nila alam na hindi nakabatay sa kakayahan, mga kaloob, mga talento, o kapital ng isang tao kung anong mga pagpapala ang ibinibigay ng Diyos sa kanya at kung paano tinatrato ng Diyos ang isang tao, kundi nakabatay ang mga ito sa kung gaano karaming katotohanan ang isinasagawa nila at kung gaano karaming katotohanan ang nakakamit nila, at kung sila ba ay isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ito ang mga katotohanang hindi kailanman mauunawaan ng mga anticristo. Hindi ito kailanman makikita ng mga anticristo, at dito sila pinakahangal. Mula simula hanggang katapusan, ano ang saloobin ng mga anticristo sa kanilang tungkulin? Naniniwala sila na isang transaksiyon ang paggawa ng tungkulin, na kung sino man ang may pinakamaraming iginugugol sa kanilang tungkulin, may pinakamalaking ambag sa sambahayan ng Diyos, at nagtitiis ng pinakamaraming taon sa sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng mas malaking tsansa na mapagpala at makakuha ng korona sa huli. Ito ang lohika ng mga anticristo. Tama ba ang lohikang ito? (Hindi.) Madali bang baligtarin ang ganitong perspektiba? Hindi ito madaling baligtarin. Ito ay napagpasyahan ng kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa kanilang puso, tutol ang mga anticristo sa katotohanan, hindi nila hinahangad ang katotohanan kahit kaunti, at tinatahak nila ang maling landas, kaya, mahirap baligtarin ang kanilang perspektiba ng pakikipagtransaksiyon sa Diyos. Sa huli, hindi naniniwala ang mga anticristo na ang Diyos ang katotohanan; sila ay mga hindi mananampalataya, narito sila para tumaya at magkamit ng mga pagpapala. Para manampalataya sa Diyos ang mga hindi mananampalataya, ito mismo ay hindi mapapanindigan, isa itong kalokohan, at nais nilang makipagtransaksiyon sa Diyos at magtamo ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagtitiis ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga para sa Diyos, mas malaking kalokohan pa ito.
Nananampalataya lamang ang mga anticristo sa Diyos para magkamit ng mga pagpapala at ng isang korona. Hindi nila tinahak ang landas na ito dahil may pumilit sa kanila, lalong hindi dahil iniligaw sila ng mga salita ng Diyos. Nagbigay ang Diyos ng mga pangako sa sangkatauhan, ngunit kasabay ng pagbibigay ng mga pangakong ito, nagkaloob din Siya sa kanila ng maraming katotohanan at naglatag ng maraming hinihingi sa kanila na dapat nakikita ng mga normal na tao. Ano ang iniisip ng mga taong may katwiran ng normal na pagkatao? “Hindi madaling kamtin ang mga pagpapalang ito, kaya dapat akong kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos at tumahak sa tamang landas; hindi ako dapat tumahak sa landas ni Pablo. Kung tatahakin ng mga tao ang landas ni Pablo, tiyak na katapusan na nila. Kapag nananampalataya, tumatanggap, at nagpapasakop sa mga salita ng Diyos ang mga tao, saka lang magkakaroon ng anumang kinalaman sa kanila ang mga pangako, pagpapala, kinabukasan at tadhana na binanggit ng Diyos. Kung hindi sila mananampalataya, hindi tatanggap, at hindi magpapasakop sa mga salitang ito ng Diyos, kung gayon, hindi magkakaroon ng anumang kinalaman sa kanila ang lahat ng pangako at pagpapalang ito na sinabi ng Diyos.” Ganito ang iisipin ng mga taong may katwiran ng normal na pagkatao. Pero bakit hindi ganito mag-isip ang mga anticristo? Ang mga anticristo ay mga Satanas, sila ay mga diyablo, at wala silang katwiran ng normal na pagkatao—ito ang unang dahilan. Pangalawa, ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan, hindi naniniwala sa bawat salita na sinabi ng Diyos, at tutol sa mga positibong bagay. Kaya ba ng isang taong hindi kumikilala sa katotohanan at tutol sa mga positibong bagay na magsagawa ayon sa katotohanan at sa mga positibong bagay? (Hindi.) Para itong pagpapakain ng damo sa isang lobo tulad ng ginagawa ng tupa—likas na hindi nila kayang gawin iyon. Kapag walang karne at malapit na silang mamatay sa gutom, maaaring mapilitan silang kumain ng kaunting damo, ngunit kapag may karne nang makakain, ang una nilang pipiliin ay tiyak na ang kumain ng karne; ito ay natutukoy ng kalikasan ng lobo. Ganoon ang kalikasan ng mga anticristo. Ang mga interes nila ay maaaring magtulak sa kanila na magpakita ng ilang mabuting pag-uugali, magbayad ng partikular na halaga, at magpakita ng ilang mabuting pagpapamalas, pero hindi nila kailanman maisusuko ang paghahangad at pagnanais para sa mga pakinabang na ito. Halimbawa, ang hinahangad nila habang ginagawa ang kanilang tungkulin ay mga pansariling interes, at ang iniisip nila ay kung paano gawing kapital ang paggawa ng kanilang tungkulin para magkamit ng mga pagpapala para sa kanilang sarili. Sa sandaling masira ang pag-asa na ito, at sa sandaling gumuho ang depensang ito, kaya nilang talikuran ang kanilang tungkulin sa anumang oras, sa anumang sitwasyon. Kapag dumating ang oras na iyon, at sinabi mo sa kanila kung gaano kabuti at gaano kaganap na likas at may katwiran ang paggawa ng tungkulin, makikinig pa kaya sila? (Hindi.) Kapag napagdesisyunan na nilang sumuko at umalis, sinusubukan silang kumbinsihin ng mga tao: “Dapat kang manatili. Ang paggawa ng tungkulin mo ay napakaganda at ang bumalik sa mundo ay napakahirap. Wala kang mapapala, maaapi ka lang at lubhang mapapagod, hindi mo makakamit ang katotohanan at hindi ka magkakaroon ng pagkakataon na maligtas.” Maaaring iniisip ng mga tao na ayos lang na magbigay ng payo sa kanila, pero bukod sa hindi sila mananatili, iiyak din sila sa kahihiyan. Bakit sila iiyak? (Dahil pakiramdam nila ay naagrabyado sila.) Totoo ito. At paano sila naagrabyado? (Pakiramdam nila ay naagrabyado sila dahil nagtiis sila ng napakaraming pagdurusa at nagbayad ng malaking halaga pero hindi nila nakamit ang gusto nila.) Iniisip nila na wala silang nakamit, at puno sila ng mga hinaing. Gumagawa ng napakadakilang gawain ang Diyos, at hindi sila kailanman naantig nito, hindi rin sila kailanman napaluha dahil dito, ngunit kapag sinusubukan silang kumbinsihin ng iba, nagsisimula silang umiyak. Kung naramdaman nilang naagrabyado sila, bakit hindi nila ito sinabi? Hindi ba’t masosolusyunan ang mga bagay-bagay kung sasabihin nila ito nang malinaw? Ano ang iniiyakan nila? Bakit hindi na lang direktang magsalita? Dahil napakasama ng kanilang mga iniisip na sila mismo ay nahihiyang pag-usapan ang mga ito. Sa simula, nanumpa sila sa Diyos na yumanig sa langit at lupa, at paano naman ngayon? “Pinagsisisihan ko ang ginawa ko; paanong naging napakahangal ko? Kung alam ko lang na aabot sa ganito, hindi sana ako kumilos nang gaya sa ginawa ko noon! Wala pa akong nauunawaan noon. Sinabi nila na maganda ang manampalataya sa diyos, kaya nanampalataya ako sa diyos. Tinalikuran ko pa nga ang pamilya at trabaho ko para gawin ang aking tungkulin sa sambahayan ng diyos. Nagdusa ako nang husto, inusig ako, at inaresto ako, pero wala akong anumang nakamit sa paggawa ng tungkulin ko nitong mga nakaraang taon.” Nakakaramdam sila ng pagkaagrabyado at kalungkutan, at pinagsisisihan nila ang lahat ng nagawa nila. Sa tingin nila ay hindi ito sulit at akala nila ay naloko at nadaya sila. Ano sa tingin ninyo ang dapat gawin sa ganitong uri ng tao? (Dapat silang paalisin kaagad.) Susubukan pa rin ba ninyong kumbinsihin sila? (Hindi.) Kung patuloy mo pa ring susubukang kumbinsihin sila, magpapagulong-gulong sila sa sahig at mag-aalboroto. Talagang hindi ninyo dapat subukang kumbinsihin ang mga gayong tao.
Ang sambahayan ng Diyos ay ang mabuting lupain ng Canaan. Isa itong piraso ng dalisay na lupain. Pumupunta ang mga tao sa sambahayan ng Diyos at tumatanggap ng paghatol at pagpupungos ng mga salita na nagmumula sa Diyos, at natatanggap nila ang Kanyang panustos, tulong, paggabay, at mga pagpapala. Personal na gumagawa at nagpapastol ang Diyos, at kahit na kailangang magbayad ng kaunting halaga at magtiis ng kaunting paghihirap ang mga tao, sulit ito. Sulit ang lahat ng ginagawa ng mga tao para makalaya sa masamang mundong ito, para mabago ang kanilang mga disposisyon, at para maligtas sila. Pero para sa mga anticristo, kung hindi ito para magkamit ng mga pagpapala o gantimpala, kung walang korona at mga gantimpala, hindi sulit na gawin ang lahat ng bagay na ito—pawang kahangalan ang mga kilos na ito, at pawang mga pagpapamalas na nadaya sila. Gaano man katibay ang determinasyon nila o gaano man katayog ang ginawa nilang panunumpa dati, ang lahat ay madali lang burahin at hindi mabibilang. Kung magdurusa sila at magbabayad ng halaga sa paggawa ng kanilang tungkulin nang ganito, at sa huli ay wala silang anumang makakamit, kung gayon, mas mabuti pang takasan nila ang “magulong lugar” na ito sa lalong madaling panahon. Itinuturing ng mga anticristo ang paggugol ng kanilang sarili para sa Diyos, pagdurusa ng paghihirap, at pagbabayad ng halaga habang ginagawa ang kanilang tungkulin bilang mga bagay na wala silang mapagpipilian kundi gawin ang mga ito, at bilang mga bentaha para magtamo ng kapital, para ipalit sa isang korona at mga gantimpala. Ang mismong panimulang puntong ito ay mali, kaya ano ang resulta sa huli? Para sa ilang tao, nawawalan ng sigla ang paggampan nila sa kanilang tungkulin at hindi sila makapagtrabaho hanggang sa huli. Kasabay nito, dahil sa kanilang kalikasang diwa, palaging nilalabag ng mga gayong tao ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa ang kanilang tungkulin, kumikilos sila nang walang pakundangan at padalos-dalos at gumagawa lang ng mga bagay na nakakagambala at nakakagulo. Kaya, ano ang nangyayari sa mga tungkuling ginagawa nila? Sa pananaw ng Diyos, ang mga ito ay hindi mabubuting gawa kundi masasamang gawa, at napakarami ng mga ito. Ang mga gayong resulta ay may pinag-uugatan. Kaya bang kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos ang isang tao na sadyang hindi nananampalataya sa katotohanan o sa mga salita Niya? Tiyak na hindi. Maghahanap lang siya ng bawat pagkakataon para ipangalandakan ang kanyang sarili, umangkin ng kapangyarihan, kontrolin ang iba, kontrolin ang pag-uugali at mga kaisipan ng iba, at kontrolin pa nga ang lahat ng tungkol sa mga tao para sa sarili niyang mga layon. Samakatwid, ang ilan sa mga taong ito na gumagawa ng maraming masamang gawa ay pinatatalsik, at ang ilan na medyo taksil at magaling sa pagpapanggap ay nananatili pa rin sa sambahayan ng Diyos. Bakit sinasabi na nananatili sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito? Ang mga taong ito ay hindi nakagawa ng lantarang kasamaan, at ang ilan sa kanila ay marunong pa ngang lumugar at maayos ang asal at masunurin, ginagawa ang anumang inuutos sa kanila, ngunit pagdating sa kanilang diwa, hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga tungkulin at obligasyon sa abot ng kanilang makakaya. Hindi nila iginugugol ang sarili nila para sa Diyos, sa halip, iniraraos lang nila ang gawain at pinalilipas ang oras, naniniwala na kung magtitiis sila hanggang sa huli, may mapapanalunan at makakamit sila. Anong klaseng mga tao sila? Sila iyong mga oportunista, mga taong likas na hindi naghahangad sa katotohanan. Nakagawa ng kaunting kasamaan sa sambahayan ng Diyos ang ilang tao, pero ayon sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, hindi pa sila umaabot sa antas na paaalisin o patatalsikin sila, at ginagawa pa rin nila ang kanilang mga tungkulin. Sa totoo lang, sa kaloob-looban nila, alam nila na ang dahilan kung bakit hindi pa sila pinapaalis o pinatatalsik ng sambahayan ng Diyos ay hindi dahil sa wala itong gaanong nalalaman tungkol sa kanila o hindi nito alam ang tunay nilang kalagayan, bagkus ay mayroong iba’t ibang kadahilanan. Ang ilan sa mga taong ito na hindi pinatalsik ay mga anticristo rin. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay dahil ang mga taong ito ay wala nang pagkakataon ngayon, pero batay sa kanilang kalikasang diwa, sa sandaling magkamit sila ng katayuan at magkaroon ng kapangyarihan, agad silang gagawa ng maraming kasamaan. Dagdag pa rito, kahit hindi pa pinapaalis sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, kadalasan, mas nakalalamang ang mga negatibo kaysa sa positibo pagdating sa paggampan nila sa kanilang mga tungkulin. Madalas silang gumagawa ng masasamang bagay, mga bagay na nakakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t sila mismo ay alam ito, hindi sila kailanman nakakaramdam ng pagsisisi, hindi kailanman iniisip na may mali silang nagawa, at hindi kailanman iniisip na hindi sila dapat kumilos nang ganito. Wala silang mga pagsisisi, at sa halip, anong uri ng kalagayan ang umuusbong sa puso nila? “Hangga’t hindi ako pinatatalsik ng sambahayan ng diyos, magpapalipas na lang ako ng oras dito at iraraos ko lang ang mga gawain hanggang sa matapos na ang oras ko. Hindi ko hahangarin ang katotohanan, at kung may ipapagawa sila sa akin, gagawin ko lang ang kaya ko. Kung masaya ako, medyo mas marami pa ang gagawin ko, at kung hindi ako masaya, kaunti lang ang gagawin ko. Isa pa, kailangan ko silang pigilan at kailangan kong magkalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro, magkalat ng ilang mapanghusgang salita. Kapag dumating na ang oras, kahit na paalisin at patalsikin nila ako at wala akong nakakamit na anumang pagpapala, gagamitin ko ang ilang tao bilang sangkalan at isasama ko ang ilan sa pagbagsak ko.” Hindi ba’t masama ang mga taong ito? Inoobserbahan nila kung sino ang mga taong walang pagkilatis, sino ang mga madalas na mahina at negatibo, sino ang mga may masamang pagkatao, sino ang mga mahalay, at sino ang tila mga walang pananampalataya, at pagkatapos, inaakit nila ang mga taong ito at nagpapakalat sila ng pagkanegatibo sa mga taong ito kapag walang ibang nakakakita. Alam ba nila ang kalikasan ng mga gayong gawain? Alam na alam nila. Kung gayon, bakit kaya pa rin nilang kumilos nang ganito? (Hindi kayang baguhin ang kalikasan nila.) Malinaw na nakikita na hindi kayang magbago ng kalikasan nila, pero sa realidad, ano ba ang iniisip nila? (Gusto nilang mabigo ang lahat at hayaang mamatay ang iba kasama nila para makaganti sila sa Diyos.) Mayroon silang ganitong mapaminsalang pag-iisip. Alam nila na bilang na ang kanilang mga araw at na sa malao’t madali, kailangan silang paalisin. Alam nila kung ano ang nagawa nila at kung ano ang kalikasan ng mga bagay na ito na nagawa nila, pero bukod sa hindi sila nagbabago, nagsisisi, o bumibitaw sa kasamaang pinanghahawakan nila, sa halip, lalo pa silang nagpupursigi at nanghihikayat ng mas maraming pang masamang tao para gumawa ng kasamaan kasama nila. Nagpapakalat pa nga sila ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro, na nagiging sanhi para mas marami pang tao ang mag-abandona at puminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. May dala itong kaunting kalikasan ng paghihiganti, at sa paggawa nila nito ay sinasabi nila: “Hindi ko na kayang patuloy na manampalataya, at sa malao’t madali ay tiyak na paaalisin ako ng sambahayan ng diyos, kaya hindi ko ito gagawing madali para sa inyong lahat at para sa sambahayan ng diyos!” Bago pa man gumawa ng anumang desisyon ang sambahayan ng Diyos tungkol sa kanila, nauuna na silang umatake. Hindi ba’t ito ang mga gawa ng masasamang tao? Naniniwala sila, “Wala akong pag-asa na magkamit ng mga pagpapala. Hindi ninyo kailangang sabihin sa akin ang mga bagay na ginawa ko noon—malinaw ko nang naiintindihan ang lahat ng ito. Hindi ninyo ako kailangang patalsikin; kusa na akong susuko.” Naniniwala pa nga sila na ang paggawa nito ay pagkakaroon ng kamalayan sa sarili at pagiging makatwiran, na isa itong matalinong hakbang. Sinasabi nila, “Kung hindi mo ako papayagang makatanggap ng mga pagpapala, at wala akong makakamit, bukod sa hindi ako magsisisi, pipigilan din kita, magpapakalat ako ng pagkanegatibo at ng mga kuru-kuro at mga maling paniniwala habang nakatalikod ka. Kung hindi ako magkakamit ng mga pagpapala, huwag mong asahan na magkakamit din ang iba!” Hindi ba’t mapaminsala ang mga gayong tao? Nagpapakalat din ng gayong mga salita ang ilang anticristo: “Ang mga katulad namin ay sinasamantala lamang sa sambahayan ng diyos; napakahangal naming lahat!” Nakikita nila na hindi sila makakapagkamit ng mga pagpapala, kaya partikular nilang pinagtutuunan ang pagpapakalat ng mga bagay na ito sa mga taong negatibo, magulo ang isip, at walang pagkilatis. Hindi ba’t dala nito ang kalikasan ng panggugulo? Sa sandaling paniwalaan nila na hindi sila makakapanindigan sa sambahayan ng Diyos at na hindi sila pagpapalain, at na paaalisin sila sa malao’t madali, ang landas na pinipili nila ay hindi para bitiwan ang kasamaang pinanghahawakan nila at magtapat at magsisi sa Diyos, gawin ang kanilang tungkulin nang may sinseridad, at bumawi sa kanilang mga dating pagkakamali. Sa halip, mas lalo silang nagpupursigi sa pagpapakalat ng pagkanegatibo sa sambahayan ng Diyos, ginugulo ang paggampan ng iba sa mga tungkulin ng mga ito, pinipinsala at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sinusubukang itulak ang mas maraming tao na gumawa ng kasamaan katulad nila, maging negatibo at umatras, at talikuran ang paggampan sa mga tungkulin ng mga ito, na nagsasakatuparan sa kanilang layon ng paghihiganti. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng masasamang tao? Mayroon pa bang Diyos sa puso ng mga gayong tao? (Wala, wala na.) Sa puso nila, mayroong isang malabong Diyos sa langit, at itinuturing nilang isang tao ang Diyos na nakikita ng mga tao sa lupa at ang Siyang gumagawa kasama ng mga tao. Mayroon ding ilang tao na kabaligtaran naman ang ginagawa. Sa puso nila, dati na silang nananampalataya sa isang malabong Diyos, pero sa huli, nagpapasakop sila sa mga taong iniidolo nila bilang mga diyos, kaya nagpapasakop sila sa mga taong ito sa lahat ng kanilang ginagawa. Ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos na parang Siya ay isang tao? Kapag nananampalataya sila sa isang malabong Diyos, naniniwala sila na ang malabong Diyos na ito na hindi nila nakikita ay kayang magkaloob sa kanila ng mga pagpapala at may sapat na kakayahan na dalhin sila sa susunod na kapanahunan at bigyan sila ng mga gantimpala at ng isang korona. Bago pa nila namamalayan, nagsisimula na silang magduda sa praktikal na Diyos sa lupa. Kahit paano nila Siya tingnan, hindi Siya mukhang Diyos, kaya nahihirapan silang manampalataya sa Kanya. Sa puso nila, nananampalataya lamang sila na ang Diyos sa langit ang tunay na Diyos, at dahil ang praktikal na Diyos na nakikita nila ay masyadong hamak, normal, at praktikal, sa pananaw nila, hindi taglay ng Diyos na ito ang kinakailangan para manampalataya sila sa Kanya, at itinuturing nila ang Diyos na ito bilang tao. Kapag itinuturing nilang tao ang Diyos, lumilitaw ang kanilang mga paghihirap: “Bukod sa pagbibigay sa mga tao ng katotohanan at ng ilang pangako, ano pa ang kayang gawin ng taong ito? Kahit paano ko siya tingnan, hindi siya kawangis ng diyos at wala siyang maidudulot na anumang pakinabang o benepisyo sa mga tao. Isa lang siyang tao; ano ang kayang gawin ng taong ito? Kung nananampalataya sa diyos ang mga tao, may kaunti pa silang pag-asa, at kaunting espirituwal na panustos. Ngunit kung nananampalataya sila sa isang tao, ano ang mga pakinabang at benipisyong maibibigay ng taong ito sa mga tao? Maisasakatuparan ba ang mga inaasam at panustos ng mga tao sa pamamagitan niya? Mauuwi ba ang mga ito sa wala? Kung isa siyang tao, hindi kinakailangang matakot sa kanya. Sasabihin ko ang dapat kong sabihin at gagawin ang dapat kong gawin sa harap niya.” Ganito tinatrato ng masasamang tao ang Diyos. Kapag hindi pa nila Siya nakikita, iniisip nila na ang Diyos ay napakatayog, napakabanal, at hindi pwedeng salungatin, pero kapag nakikita nila ang Diyos sa lupa, hindi na napaninindigan ang kanilang mga imahinasyon at kuru-kuro. Ano ang gagawin nila kapag nangyari ito? Itinuturing nila ang Diyos bilang isang tao. Pagkatapos, naglalaho ang kaunting respeto nila sa Diyos sa puso nila, lalo na ang kanilang pangamba at takot sa Kanya. Kung wala ang mga bagay na ito, nagiging mas matapang ang masasamang tao at naglalaho ang kanilang pagiging depensibo at ang pag-iingat sa puso nila, at pagkatapos, mangangahas silang gawin ang anumang bagay. Kahit na manampalataya ang mga gayong tao hanggang sa pinakahuli, sila pa rin ay mga taong lumalaban sa Diyos.
Madali para sa mga anticristo na manampalataya sa Diyos sa langit, pero talagang mahirap para sa kanila ang manampalataya sa Diyos sa lupa. Si Pablo ay isang buhay na halimbawa nito. Ano ang naging huling resulta ng pananampalataya niya kay Cristo? Ano ang nangyari sa layong hinangad niya sa kanyang pananampalataya kay Cristo? Ginusto niyang maging cristo at palitan si Cristo. Itinatwa niya ang Diyos sa lupa at ginustong magtamo ng korona at mga pagpapala mula sa Diyos sa langit. Ang mga anticristong ito ay eksaktong kapareho ni Pablo. Itinuturing nila ang Diyos sa lupa bilang isang tao, at ang Diyos sa langit na hindi nakikita bilang ang pinakadakilang Diyos sa kanilang puso, na maaaring linlangin, paglaruan ayon sa kanilang kagustuhan, bigyang-pakahulugan sa anumang paraang gusto nila at isailalim sa mga kuru-kuro at labanan ayon sa nais nila. Ito ang pagkakaiba sa kung paano tinatrato ng mga hindi mananampalataya at mga anticristo ang Diyos sa langit at ang Diyos sa lupa. Dahil mismo sa pagtrato nila sa Diyos sa lupa nang may gayong saloobin kaya sila nagpapakita ng iba’t ibang pagpapamalas sa pagtrato sa kanilang mga tungkulin. Kabilang sa mga pagpapamalas na ito ang unti-unting pagkawala ng interes at ng kagustuhang gumawa ng kanilang mga tungkulin kapag nakita nila ang Diyos sa lupa. Dahil dito, nawawalan sila ng interes sa pananampalataya sa Diyos at nagkakaroon sila ng mga negatibong kaisipan at pagpapamalas. Kaya, hindi nakakapanindigan ang lahat ng anticristo sa huli; kahit na hindi sila alisin ng iglesia, aalis sila nang kusa. Mayroon ba kayong alam na mga gayong halimbawa? (Oo, nakatagpo na ako ng isang anticristo noon. Napakasutil niya. Hindi niya hinangad o isinagawa ang katotohanan, at pabasta-basta at walang ingat niyang ginawa ang kanyang tungkulin. Isa pa, hindi siya nagsikap na pag-aralan ang kanyang propesyon, at napakatamad niya, at nagyayabang pa siya. Araw-araw, ang iniintindi lang niya ay pagkain at pananamit, at nakikiapid din siya. Nang patalsikin siya, wala siyang kahit katiting na intensiyon na magsisi, sa halip, pakiramdam niya ay nakahinga siya nang maluwag.) Hindi pinahahalagahan ng mga ganitong tao ang pagkakataon na makagawa ng tungkulin, lalong hindi nila iginagalang o pinahahalagahan ang kanilang sariling tungkulin, mga pabaya sila at sinasayang nila ang kanilang oras. May nakipagbaginan ba sa kanya na hindi pwedeng gampanan ang tungkulin sa ganitong paraan? (Oo. Nakipagbahaginan din ako sa kanya, pero hindi siya nakikinig, medyo pabaya ang saloobin niya.) Mayroon pa bang makapagbibigay ng halimbawa? (May isang direktor na palaging pabaya sa paggawa ng kanyang tungkulin; marami sa mga materyal na kinunan niya ay hindi angkop, at nagsanhi rin siya ng mga pagkagambala at kaguluhan. Matapos siyang ilipat sa Grupong B, tumigil siya sa paggawa ng kanyang tungkulin. Buong araw siyang nagpapakaabala sa pagpunta sa trabaho at pagkita ng pera, at nakikihalubilo siya sa mga walang pananampalataya, at sa huli, pinaalis siya. Sa katunayan, kahit hindi siya pinaalis ng iglesia, kusa na rin sana siyang aalis. Hindi niya hinangad ang katotohanan, at hindi siya nakapanindigan sa huli.) Pareho-pareho lang ang disposisyong diwa ng mga anticristong ito, tutol sila sa katotohanan at sa mga positibong bagay, mahilig sila sa kawalan ng katuwiran, at mayroon silang mga napakasidhing ambisyon at pagnanais. Itinuturing nilang parang laro ang kanilang tungkulin at tinatrato ito nang pabaya, at ang istilo ng kanilang pag-uugali ay talagang hindi marapat at hindi mapigil. Ang kalikasan nila ay buktot at malupit. Pumupunta lang sila sa sambahayan ng Diyos at gumagawa ng tungkulin para magtamo ng mga pagpapala, at kung hindi ito para magtamo ng mga pagpapala, hindi sila mananampalataya sa Diyos! Likas na walang ipinagkaiba ang mga taong ito sa mga walang pananampalataya, sila ay ganap na mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya; ito ang diwa nila. Kung hindi mo sila pinapahintulutang maging kagaya ng mga walang pananampalataya, at kung ipinapagawa mo sa kanila ang kanilang tungkulin kasama ang mga mananampalataya sa Diyos, magiging napakasakit para sa kanila ang buhay na ito, at ang araw-araw ay magiging tila pagpapahirap sa kanila. Pakiramdam nila ay hindi kawili-wiling gawin ang kanilang tungklin kasama ang mga kapatid sa sambahayan ng Diyos nang may maayos na asal, nang nananatili sa kanilang tamang puwesto, at pakiramdam nila, ang buhay na ito ay hindi kasinglaya at di-napipigilan katulad ng kapag nakikihalubilo sila sa mga walang pananampalataya sa mundo sa labas—pakiramdam nila ay hindi kawili-wili ang ganoong paraan ng pamumuhay. Kaya, ang pagpunta nila sa sambahayan ng Diyos at paggawa ng kanilang tungkulin ay ginagawa lamang dahil kinakailangan, ito ay bunsod ng kanilang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala, at ginagawa nila ito para matugunan ang kanilang mga pansariling ambisyon at pagnanais. Batay sa kanilang kalikasang diwa, likas nilang hindi mahal ang katotohanan o ang mga positibong bagay, lalong hindi nila pinaniniwalaan ang mga bagay na kayang isakatuparan ng Diyos. Sila ay ganap na mga hindi mananampalataya at mga oportunista. Hindi sila naparito para gawin ang kanilang mga tungkulin, kundi para gumawa ng kasamaan, magdulot ng mga kaguluhan, at makipagtransaksiyon. Kaya, batay sa kabuuan ng mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, kapag nasa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, sila ba ay kapaki-pakinabang o nakapipinsala sa gawain nito? (Nakapipinsala.) Ni minsan ba ay nakakita ka na ng isang tao na may anticristong diwa na medyo may kaloob at kakayahan, at kayang manatili sa kanyang tamang puwesto habang ginagawa ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang hindi nagdudulot ng problema o mga pagkagambala? Ipagpalagay na sasabihin mo sa isang anticristo, “Para sa isang taong katulad mo na nakagawa ng ilang kasamaan noon, hindi sigurado kung magkakaroon ka ng anumang kinabukasan o tadhana sa hinaharap. Dahil medyo may kaloob ka, magsikap ka na lang sa pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos!” Magiging handa ba silang magserbisyo nang walang pagsasaalang-alang sa kung sila ba ay pagpapalain o magdurusa ng kasawian? Tiyak na hindi. Ang mga taong nakakagawa nito ay iyong mga medyo may mabuting pagkatao, pero mayroon bang gayong pagkatao ang mga anticristo? (Wala.) Malupit ang kanilang disposisyon. Iniisip nila, “Kung hindi mo ako bibigyan ng mga pakinabang, o ng ilang pangako o kasunduan, paano ako makakapagsumikap para sa iyo? Huwag na huwag mong aasahan ito, imposible iyon!” Isa itong malupit na disposisyon. Ito ang komprehensibong pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin, ang Diyos, at ang mga hinihingi ng Diyos. Sa palagay ba ninyo ay may sinumang anticristo na nagsasabi, “Itinaas ako ng Diyos at binigyan Niya ako ng kaloob na ito, kaya ihahandog ko ang sarili ko para sa Diyos”? (Wala.) Ano ang sasabihin nila? “Gusto mo akong samantalahin? Tinatangkilik mo lang ang aking mga kaloob at talento. Kung gusto mong makinabang sa akin, kailangan mo akong bigyan ng ilang pakinabang. Kung gusto mo akong samantalahin, hinding-hindi iyan mangyayari!” Hindi sila naniniwala na pagtataas ito ng Diyos sa kanila, at hindi rin sila naniniwala na ito ay isang oportunidad na bigay ng Diyos na dapat nilang pahalagahan, naniniwala sila na ito ay pagsasamantala sa kanila. Ito ang pinaniniwalaan ng mga anticristo. Marahil ay pansamantalang mangmang ang ilang tao, nagsasanhi sila ng mga pagkagambala at kaguluhan, at gumagawa ng ilang masamang bagay, at pagkatapos ay ibinubukod sila para sa pagninilay-nilay sa sarili. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay nagninilay-nilay nang ilang sandali at sasabihin nila: “Dapat akong magtapat at magsisi sa Diyos, at hindi ako dapat kumilos ulit nang ganoon sa hinaharap. Dapat akong matutong magpasakop, matutong makipagtulungan sa iba, at matutong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa salita ng Diyos, hindi na ako dapat muling gumawa ng kasamaan.” Pagkatapos, isinasaayos ng iglesia na gawin nila ang kanilang tungkulin, at pinasasalamatan nila ang Diyos habang lumuluha, pinahahalagahan mula sa kaibuturan ng kanilang puso ang pagkakataong ito na ibinigay sa kanila ng Diyos. Ikinararangal nila na magkaroon ng pagkakataon na magawang muli ang kanilang tungkulin. Pakiramdam nila ay dapat nila itong pahalagahan at hindi na hayaang mawala muli, at ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang mas mahusay kaysa dati. May kaunti silang pagkilala sa kanilang sarili at sumailalim sila sa ilang pagbabago. Bagama’t maaaring nakakagawa pa rin sila ng mga kamangmangan, at maaaring nagiging negatibo at mahina pa rin, at sumusuko minsan sa kanilang gawain, base sa pangkalahatang mentalidad at saloobin nila, nagbago na sila. Kinamumuhian nila ang kanilang mga dating kilos at mayroon na silang kaunting kaalaman sa usaping ito. Kaya nilang tanggapin ang katotohanan at medyo mapagpasakop sila. Ang mas mahalaga, kapag tinutulutan sila ng sambahayan ng Diyos na bumalik at gawing muli ang kanilang tungkulin, hindi sila tumatanggi, nagdadahilan, o lumalaban, at lalong hindi sila nagsasabi ng mga di-kanais-nais na bagay. Sa halip, ikinararangal nila ito at pakiramdam nila ay hindi sila inabandona ng Diyos, at iniisip nila na, dahil mayroon pa silang pagkakataon na gawin ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat nila itong pahalagahan. Sumailalim na sa malaking pagbabago ang kanilang pag-uugali. Ang mga gayong tao ang maaaring iligtas.
Ano ang pagkakaiba ng mga anticristo at ng mga taong maaaring iligtas? Kapag ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin, gusto nilang sila ang may huling salita, magpupunyagi sila para sa kapangyarihan at mga pakinabang, at gagawin lamang nila ang anumang gusto nila. Kung hindi sila magkakamit ng kapangyarihan o mga pakinabang, ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin. Pagkatapos nilang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, at mapalitan, maibukod, o maalis ng sambahayan ng Diyos, kaya ba nilang tunay na magsisi? Ano ang sinasabi nila? “Gusto mo akong magsisi para masamantala mo ako? Hinihila mo ako palapit kapag may silbi ako at sinisipa mo ako palayo kapag wala kang kailangan sa akin.” Anong baluktot na lohika ito? Ano ang ibig sabihin ng pagsipa palayo? Kung hindi sila nakagawa ng kasamaan, pangangasiwaan kaya sila ng sambahayan ng Diyos? Pangangasiwaan kaya sila ng sambahayan ng Diyos nang basta-basta kung ginampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo? Nagdulot ng mga kawalan ang mga taong ito sa gawain ng iglesia dahil nagsanhi sila ng mga pagkagambala at kaguluhan, at gumawa sila ng kasamaan. Pinangasiwaan sila ng sambahayan ng Diyos, at hindi lang sila tumangging tanggapin ito o pagnilayan at subukang kilalanin ang sarili nila; sa halip, punong-puno sila ng sama ng loob. Pakiramdam nila ay hindi sila sikat o na wala na silang kapangyarihan, at na inaapi at minamaltrato sila. Kapag binibigyan sila ng pagkakataong gawing muli ang kanilang tungkulin, bukod sa hindi sila mapagpasalamat sa puso nila at hindi nila pinapahalagahan ang oportunidad na ito, gumagawa rin sila ng huwad na kontra-akusasyon, sinasabi nila na sinasamantala sila ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila tinatanggap mula sa Diyos ang pagtrato sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, naniniwala sila na ang mga tao ang nang-aapi sa kanila, sumisipa sa kanila palayo, at nagmamaltrato sa kanila. Puno ng mga reklamo ang puso nila, at ayaw na nilang gawing muli ang kanilang tungkulin. Ang katwiran nila kaya ayaw na nilang gawing muli ang kanilang tungkulin ay na ayaw nilang mapagsamantalahan, at naniniwala sila na ang lahat ng gumagawa ng tungkulin ay pinagsasamantalahan ng sambahayan ng Diyos. Napakawalang-saysay at nakalilinlang nito! Mayroon bang anumang salita rito na tumutugma sa katotohanan, pagkatao, o pagkamakatwiran? (Wala.) Kung gayon, hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, laging mainit ang ulo nila, ang puso nila ay puno ng kalupitan, reklamo, transaksiyon, at higit pa rito, ang puso nila ay puno ng pansariling pagnanais. Puno ng mga bagay na ito ang puso nila. Hindi nila matanggap mula sa Diyos ang mapangasiwaan ng sambahayan ng Diyos sa anumang paraan o sa anumang kapaligiran na pinamamatnugutan ng Diyos para sa kanila. Nahaharap lamang nila ang mga bagay na ito nang mainit ang kanilang ulo, nang nakikipagtuos. Hinaharap nila ang lahat ng ito gamit ang mga pamamaraan at lohika ni Satanas. Kaya sa huli, hindi pa rin nila nakakamit ang katotohanan at maaari lamang silang itiwalag. Ang iba’t ibang tao ay may iba’t ibang reaksiyon kapag pinapalitan sila at kapag may binabago sa kanilang mga tungkulin, o kahit kapag binubukod o inaalis sila. Ang mga taong tunay na nagmamahal sa katotohanan ay nasusuklam sa kanilang sariling mga gawa. Bukod sa hindi tinatanggap ng mga anticristong hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga bagay na ito mula sa Diyos sa puso nila, puno rin sila ng pagkamuhi. Ano ang mga kahihinatnan nito? Nagsasanhi ito ng mga reklamo, pag-alipusta, paghusga, at pagkondena sa loob nila. Itinutulak sila nito na itakwil at lapastanganin ang Diyos. Ito ang pinagmumulan ng kanilang kalalabasan, ito ay itinatakda ng kanilang kalikasang diwa. Ang mga anticristo ay walang kakayahang umunawa sa katotohanan, tumanggap ng mga bagay-bagay mula sa Diyos, at magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos, kaya, nakatakda na ang kalalabasan nila. Inaalis sila ng sambahayan ng Diyos sa buhay na ito; hindi na kailangang banggitin pa kung ano ang mangyayari sa kanila sa darating na mundo. Nakikilatis ba ninyo ang mga usaping ito? Kung nakakatuklas kayo ng mga gayong tao sa paligid ninyo, maikukumpara ba ninyo itong mga salita Ko sa kanila? Ano ang mga pinakaprominenteng pagpapamalas ng mga anticristo? Hindi sila nananampalataya sa katotohanan, hindi tumatanggap sa katotohanan, hindi nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi nila kayang tumanggap ng anumang bagay mula sa Diyos, at hindi sila umaamin sa kanilang mga pagkakamali o nagsisisi kahit ano pang mga maling gawa ang ginagawa nila. Ito ang nagtatakda na ang mga taong ito ay kay Satanas, at na sila ay mga puntirya ng pagwasak.
Dapat lahat kayo ay ikumpara ang sarili ninyo sa iba’t ibang pagbubunyag, pagpapamalas, at pagsasagawa ng mga anticristo na inilantad Ko; habang ginagawa ninyo ang inyong mga tungkulin, sigurado na magpapakita kayo ng ilan sa mga pagpapamalas, pagbubunyag, at pagsasagawang ito, pero ano ang pinagkaiba ninyo sa mga anticristo? Kaya ba ninyong tanggapin mula sa Diyos ang mga bagay na nangyayari sa inyo? (Oo, kaya namin.) Ang magawang tanggapin mula sa Diyos ang nangyayari sa inyo ay ang pinakabihirang bagay. Kaya ba ninyong magbago kapag tinahak ninyo ang maling landas, kapag gumawa kayo ng mali, gumawa ng mga kamangmangan o ng mga pagsalangsang? Kaya ba ninyong magsisi? (Oo, kaya namin.) Ang magawang magsisi at magbago ay ang pinakamahalaga at pinakabihirang bagay. Ngunit ito ang wala mismo sa mga anticristo. Tanging ang mga taong ililigtas ng Diyos ang mayroon nito. Ano ang mga pinakamahalagang bagay na dapat taglayin? Una, ang pananampalataya na ang Diyos ang katotohanan; ito ang pinakapundamental na bagay. Kaya ba ninyo itong gawin? (Oo, kaya namin.) Hindi nagtataglay ng pinakapundamental na bagay na ito ang mga anticristo. Ikalawa, ang pagtanggap na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan; maituturing din ito na pinakapundamental na bagay. Ikatlo, ang pagpapasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ay ganap na hindi maabot ng mga anticristo, pero dito ito nagsisimulang maging mahirap para sa inyo. Ikaapat, ang pagtanggap ng lahat mula sa Diyos nang hindi nakikipagtalo, nagbibigay-katwiran sa iyong sarili, nagbibigay ng mga dahilan, o nagrereklamo. Ganap itong imposible para sa mga anticristo. Ikalima, ang pagsisisi pagkatapos maghimagsik o gumawa ng mga pagsalangsang. Magiging mahirap lang para sa inyo na matamo ito. Pagkatapos gumawa ng mga pagsalangsang, saka lang unti-unting nagkakaroon ang mga tao ng kaunting kaalaman tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng ilang panahon ng pagninilay-nilay at paghahanap, kalungkutan, pagkanegatibo, at kahinaan. Siyempre, nangangailangan ito ng oras. Maaaring isa o dalawang taon, o maaaring mas matagal pa. Kaya lang ng isang tao na tunay na magsisi pagkatapos lubos na maunawaan ang kanilang mga tiwaling disposisyon at sumuko nang mula sa puso. Bagama’t hindi ito madali, sa huli ay makikita ang mga pagpapamalas ng pagsisisi sa mga taong naghahangad sa katotohanan, sa mga taong kayang kamtin ang pagliligtas ng Diyos. Pero hindi ito taglay ng mga anticristo. Pag-isipan ninyo ito, sinong anticristo ang hindi nag-uungkat sa nakaraang tatlo o limang taon, o maging sa 10 o 20 taon, matapos gumawa ng masamang bagay? Gaano man katagal na ang lumipas, pagkatapos mo silang makita ulit, ang pinag-uusapan pa rin nila ay pawang ang mga argumento nilang iyon. Hindi pa rin nila kinikilala o tinatanggap ang sarili nilang masasamang gawa, at ni hindi sila nagpapakita ng kahit katiting na pagsisisi. Ito ang kaibahan ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling tao. Bakit hindi kayang magpakita ng pagsisisi ng mga anticristo? Ano ang ugat na dahilan? Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang katotohanan, kaya hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan. Wala nang pag-asa rito, at ito ay itinatakda ng diwa ng mga anticristo. Kapag naririnig ninyo Ako na naghihimay-himay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, iniisip ninyo: “Katapusan ko na. May disposisyon din ako ng isang anticristo—hindi ba’t isa rin akong anticristo?” Hindi ba’t ito ay kawalan ng pagkilatis? Totoo na may disposisyon ka ng isang anticristo, pero ang kaibahan mo sa mga anticristo ay na nagtataglay ka pa rin ng mga positibong bagay. Kaya mong tanggapin ang katotohanan, magtapat, magsisi, at magbago, at ang mga positibong bagay na ito ay makapagbibigay-kakayahan sa iyo na iwaksi ang mga disposisyon ng mga anticristo, at magbibigay-daan para malinis ang iyong mga tiwaling disposisyon, at para makamit mo ang kaligtasan. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay may pag-asa ka? May pag-asa ka pa!
Masyadong mahirap para sa inyong lahat ang pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan at hindi kayo makagawa ng mga ito. May ilang tao na isang artikulo ng patotoo lang ang naisusulat pagkatapos ng maraming taon ng karanasan. Ang iba ay isang patotoo lang ang naisusulat matapos manampalataya sa loob ng 10 o 20 taon, at sama-sama nilang ibinubuod ang pinakadiwa ng mga karanasan ng mga taon na ito. May ilan na nananampalataya na sa Diyos sa loob ng 30 taon, at wala pa rin silang tunay na kaalaman batay sa karanasan. Ang pinakapunto ay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kaya, ano ang dapat Kong gawin kapag nahaharap Ako sa ganitong kasalukuyang sitwasyon kung saan hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan? Kailangan Ko kayong kausapin nang mas madalas, nang matiyaga at taimtim, higit na magsalita at maglintanya, at kailangan ninyong magkaroon ng kaunting pasensiya at mas makinig sa pakikipagbahaginan Ko. Makinig kayong mabuti, magkaroon ng pagkilatis, at magsikap na unawain ang diwa ng bawat aspekto ng katotohanan. Gaya ng sinabi Ko, kung nauunawaan mo ang mga pagpapamalas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo, kung ano ang mga pagpapamalas ng mga taong iyon na may diwa ng mga anticristo, at kung ano ang kaibahan sa pagitan ng dalawa, kung gayon, magkakaroon ka ng landas na tatahakin, at kasabay nito, magkakaroon ka rin ng pagkilatis. Makikilatis mo ang sarili mong mga tiwaling disposisyon at ang diwa ng mga anticristo. Kung makakatagpo ka ng isang anticristo, magagawa mong maagap na kilatisin at ilantad siya, maagap na pigilan at limitahan ang kanyang mga padalos-dalos at basta-bastang pagkilos at pagsasagawa, at iwasan o bawasan ang mga kawalan na dulot ng kanyang masasamang gawa sa gawain ng iglesia. Kung hindi, kung mahina ang inyong kakayahang umarok at wala kayong pagkilatis, o kung hindi kayo metikuloso pagdating sa katotohanan, at palaging mga doktrina lang ang nauunawaan ninyo, at hindi ninyo makilatis ang diwa ng isang tao, bukod sa ito ay hahantong sa kawalan ninyo ng kakayahang kumilatis sa mga anticristo sa paligid ninyo, susunod din kayo sa kanila na para bang mabubuting lider sila. Pag-isipan ninyong mabuti, isaalang-alang nang mabuti, mas higit na pakinabang ba ang hatid ng mga bagay na ginagawa ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos o mas higit na pinsala? Pagkatapos ng masusing pagsasaalang-alang, makikita ninyo na, bagama’t mukhang gumagawa ng ilang mabuting bagay ang mga anticristo habang gumagawa sa sambahayan ng Diyos, ang totoo ay mas nakapipinsala sila kaysa nakabubuti. Mas marami ang kawalan kaysa pakinabang. Sa katunayan, naghahatid ng mas malalaking nakatagong panganib ang mabubuting gawa nila, na nagdudulot ng mas malaking pinsala kaysa kabutihan sa gawain ng iglesia. Ang papel na ginagampanan ng mga taong ito sa sambahayan ng Diyos ay ang pagiging mga alipores ni Satanas.
Abril 25, 2020