Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikaanim na Bahagi)

II. Ang mga Interes ng mga Anticristo

Nitong huli ay nagbahaginan tayo tungkol sa Ikasiyam na Aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Ginagawa nila ang kanilang tungkulin para lamang maging tanyag sila at maisakatuparan ang kanilang sariling mga interes at ambisyon; hindi Nila isinasaalang-alang kailanman ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagpapalit pa ang mga interes na iyon para sa kanilang personal na kaluwalhatian. Pagkatapos, hinati natin ang mga interes ng mga anticristo sa ilang aytem. Ang una ay ang sarili nilang kaligtasan, ang ikalawa ay ang sarili nilang reputasyon at katayuan, at ang ikatlo ay ang mga kapakinabangan. Ano ang kabilang sa mga kapakinabangang ito? (Ang una ay ang paglulustay sa mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos, ang ikalawa ay ang pananamantala sa mga kapatid na magtrabaho para mapaglingkuran sila, at ikatlo ay ang paggamit ng kanilang katungkulan para makakuha ng makakain, maiinom, at iba pang mga bagay sa pamamagitan ng pandaraya sa ilalim ng pagkukunwaring nananampalataya sila sa Diyos.) Kasama sa mga “ibang bagay” na ito ang espesyal na pagtrato, pag-aasikaso sa kanilang mga personal na usapin, at iba pa, tama ba? (Oo.) Nakalilito ba sa inyo ang ganitong paraan ng pakikipagbahaginan, ang paghahati sa mga pangunahing paksa tungo sa maliliit na paksa, at maliliit na paksa tungo sa iba’t ibang aspekto na pagbabahaginan? (Hindi naman.) Sa katunayan, habang mas naisasagawa ang pagbabahaginan sa ganitong paraan, tiyak na mas nagiging malinaw ang mga bagay-bagay. Nagbahaginan na tayo tungkol sa tatlong aytem ng mga interes ng mga anticristo, ngunit may isa pa, na siyang pinakamahalaga—ang ikaapat sa mga interes ng mga anticristo—ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ang kinabukasan at kapalaran ay marahil ang pangunahing layon na kinikimkim ng mga anticristo sa pananampalataya nila sa Diyos. Ang mga ito rin ang pinakamalalaking pangarap na pinanghahawakan nila sa puso nila, at ang mga pinakamataas na bagay na hinahangad nila sa kaibuturan ng kanilang puso. Malamang na pamilyar kayo sa paksa ng kinabukasan at kapalaran. Ito ay nauukol sa kung saan hahantong ang mga tao, kung saan patungo ang mga tao, o kung saan pupunta ang mga tao sa hinaharap o sa susunod na kapanahunan—sa madaling salita, ang kanilang destinasyon sa hinaharap. Hindi ba’t ito ang pinakamalaki at pinakamahalagang bagay sa puso ng bawat isa sa mga nananampalataya sa Diyos? (Oo.) Ang kinabukasan at kapalaran ay napakahalaga para sa lahat ng nananampalataya sa Diyos. Kaya, hindi na kailangang sabihin pa na para sa mga anticristo, ang pinakaubod ng kanilang mga interes ay tiyak na ang kanilang kinabukasan at kapalaran, ibig sabihin, ang kanilang destinasyon.

D. Kanilang Kinabukasan at Kapalaran

Magbahaginan din tayo tungkol sa kinabukasan at kapalaran sa loob ng mga interes ng mga anticristo mula sa iba’t ibang anggulo at aspekto upang maging medyo malinaw ang mga bagay-bagay. Ang iba’t ibang interes ng mga anticristo na pinagbahaginan natin dati ay kinapapalooban ng kapwa materyal at di-materyal na mga interes. Halimbawa, ang sariling kaligtasan, reputasyon, at katayuan ng isang tao ay pawang mga di-materyal na interes; ang mga ito ay mga di-nahahawakang bagay sa kanilang espirituwal na mundo. Samantala, ang mga materyal na interes ay kinabibilangan ng mga ari-arian, pagkain at inumin, pati na rin ng espesyal na pagtrato, materyal na kasiyahan, at iba pa. Kaya, ano ang nakapaloob sa kinabukasan at kapalaran ng pagbabahaginan ngayong araw? Kung titingnan natin ang mga ito mula sa perspektiba ng mga kuru-kuro ng tao, ang mga ito ba ay nahahawakan o di-nahahawakan? (Ang mga ito ay di-nahahawakan.) Samakatwid, tiyak na ang mga ito ay mga bagay na umiiral sa espirituwal na mundo ng mga tao, sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kanilang isipan. Para sa mga tao, ang mga bagay na ito ay isang uri ng pag-asa at panustos, at ang mga ito ang hinahangad ng mga tao sa buong buhay nila. Bagama’t ang mga bagay na ito ay di-nakikita at di-nahahawakan ng mga tao, malaki ang impluwensiya ng mga ito sa puso ng mga tao, pinangingibabawan ng mga ito ang buong buhay ng mga tao, at kinokontrol ng mga ito ang kanilang mga kaisipan at kilos, ang kanilang mga intensiyon, at ang direksiyon ng kanilang mga paghahangad. Kaya, napakahalaga para sa lahat ang kinabukasan at kapalaran! Bagama’t mahalaga ang kinabukasan at kapalaran, hinahangad ng mga anticristo ang mga ito sa paraang lubos na naiiba sa mga normal at ordinaryong tao. Ano mismo ang pagkakaiba? Aling mga aspekto ang nagpapakita nito, at nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makita at makilatis na isa itong pamamaraan ng paghahangad ng isang anticristo, at ang katangian ng isang anticristo? Hindi ba’t karapat-dapat itong pag-usapan at pagbahaginan? Siyempre, ang mga pagpapamalas ng maraming tao ay maraming pagkakatulad sa mga pagpapamalas ng mga tunay na anticristo at ng mga may diwa ng mga anticristo. Ngunit kahit na magkakapareho ang kanilang mga pagpapamalas at disposisyon, magkakaiba ang kanilang diwa. Magbahaginan tayo tungkol sa ikaapat na mga interes ng mga anticristo—ang kanilang kinabukasan at kapalaran—mula sa iba’t ibang aspekto.

Paano natin mahihimay ang kinabukasan at kapalaran? Anong uri ng pamamaraan at aling mga halimbawa ang maaari nating gamitin para mahimay na ang kinabukasan at kapalaran sa mga interes ng mga anticristo ay hindi naaayon sa katotohanan, at na ang mga ito ay mga paghahayag ng diwa ng mga anticristo? Mula sa anong mga aspekto maaaring himayin ang mga ito? Nangangailangan ito ng masusing pagsisiyasat. Hatiin natin ito sa ilang malawak na kategorya para mas maunawaan ng mga tao ang diwa ng mga anticristo nang mas tumpak at malinaw. Ang una ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, ang ikalawa ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin, ang ikatlo ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan, ang ikaapat ay kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo,” at ang ikalima ay kung paano hinaharap ng mga anticristo ang kanilang katayuan sa iglesia. Bakit sa limang kategoryang ito nahati? Subukang alamin ito. Kaya ba ninyong unawain nang kaunti ang bawat isa sa mga ito? Kaya ba ninyong maghanap ng ilang kaukulang pagpapamalas o disposisyon na nabibilang sa mga anticristo? Ano mismo ang dapat himayin batay sa pundasyon ng limang kategoryang ito? Pagdating sa mga kategoryang ito, ano ang mga pangunahing katangian ng mga anticristo at ang mga pangunahing disposisyon na ipinapakita nila, at ano ang mga pagpapamalas ng mga normal na tagahangad ng katotohanan at ng mga ordinaryong tao? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling tao? Saan matatagpuan ang mga pagkakaibang ito? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga landas na pinili nila? Ano ang pagkakaiba sakanilang mga pagpapamalas? Mayroon ba kayong kaunting pag-unawa sa mga kategoryang ito? (Sa limang kategoryang ito, pangunahing hindi tinitingnan ng mga anticristo ang mga bagay-bagay batay sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Palagi nilang ginagamit ang panlabas na anyo ng ilang bagay o ang kanilang sariling sitwasyon para hulaan ang mga layunin ng Diyos batay sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, para makita kung mayroon silang kinabukasan at kapalaran. Halimbawa, pagdating sa kanilang tungkulin, kung nagagawa nilang maging tampok at tugunan ang kanilang mga pagnanais, banidad, at pride, mararamdaman nila na parang sila ay mga kapaki-pakinabang na tao sa sambahayan ng Diyos, at na tila mayroon silang kinabukasan at kapalaran. Sa sandaling mapungusan sila, mararamdaman nila na hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, na hindi nasisiyahan ang Diyos sa kanila, at panghihinaan sila ng loob at madidismaya tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at uusbong ang pagkanegatibo at pagkontra sa loob nila.) Ang buod na ito ay nagbibigay ng kaunting liwanag at bahagyang tumutukoy sa katotohanan sa loob ng usaping ito. Batay sa pangkalahatang kahulugan ng sinabi ninyo, malamang na mayroon na kayong pangunahing pagkaunawa sa limang kategoryang ito. Susunod, isa-isa nating pagbabahaginan ang mga ito.

1. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang mga Salita ng Diyos

Ang unang kategorya ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Ang mga anticristo ay mga tao rin na nananampalataya at sumusunod sa Diyos; may hawak din silang mga salita ng Diyos, nakikinig sila sa mga sermon, dumadalo sa mga pagtitipon, at mayroon silang normal na espirituwal na buhay. Para sa mga anticristo, ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay parte rin ng kanilang buhay, at madalas nila itong ginagawa. Bagama’t pareho silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, ang mga anticristo ay naiiba sa mga tagahangad ng katotohanan; ganap na naiiba ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos. Kaya, paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos? Una, sinasaliksik at sinusuri nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aaralan ang mga ito mula sa isang kakaibang perspektiba at pananaw. Bakit Ko ito tinatawag na “pinag-aaralan”? Batay sa obhetibong sitwasyon, napipilitan ang mga anticristo na aminin na ito ay mga salita ng Diyos, at sa kanilang puso, nararamdaman din nilang napakatayog ng mga salitang ito na hindi kayang ipahayag ng mga ordinaryong tao ang mga ito at hindi makikita sa ibang lugar ang mga salitang ito. Sa batayang ito, wala silang magawa kundi aminin na ang mga ito ay mga salita ng Diyos, pero tinatanggap ba nila ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? Hindi. Kaya, bakit binabasa pa rin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos? Dahil, sa mga salita ng Diyos, may mga bagay na kailangan nila, mga bagay na gusto nilang malaman, at mga bagay na tumutustos sa kanila sa kanilang espirituwal na mundo. Ano ang mga bagay na ito? Siyempre, ang mga ito ay mahigpit na nauugnay sa kinabukasan at kapalaran ng mga anticisto. Kapag pinag-aaralan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, palagi silang naghahanap ng mga salita na nauugnay sa mga hantungan, kalalabasan, kung saan mapupunta ang mga tao sa hinaharap, at iba pa. Samakatwid, ang pagbabasa ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ay tinatawag na “pag-aaral,” sinasaliksik, sinusuri, at hinuhusgahan nila ang mga salita ng Diyos habang binabasa ang mga ito. Sinasaliksik nila ang mga salita Niya habang nagbabasa: “Sa tono ng diyos, tila hindi niya gusto ang mga ganitong uri ng tao. Bakit pakiramdam ko ay isa ako sa kanila? Dapat kong alamin kung ano ang hantungang ibinibigay ng diyos sa mga taong ito.” Kapag nakikita nila na nagsasalita ang Diyos tungkol sa pagtapon sa gayong mga tao sa walang hanggang hukay, iniisip nila, “Hindi maganda ito. Ang maitapon sa walang hanggang hukay ay nangangahulugan na katapusan ko na, hindi ba? Ang mga ganitong uri ng tao ay walang kinabukasan at wala silang magandang hantungan, kaya ano ang dapat kong gawin?” Nakakaramdam sila ng kaunting kirot, pagkabagabag, at pagkabalisa sa puso nila. “Ganito ba talaga tinatrato ng diyos ang mga taong gaya nito? Hindi ako pwedeng sumuko.” Dahil dito, patuloy nilang hinahanap ang mga salita ng Diyos. Kapag nakita nila na sinasabi ng mga salita ng Diyos na, “Mga anak ako, gagawin Ko ang partikular na mga bagay para sa iyo, at may mga partikular na bagay na mangyayari sa iyo,” hindi na sila nababalisa. “Nagbibigay-sigla sa puso ko ang mga salita ng diyos, kamangha-mangha ang mga ito. Isa ako sa ‘mga anak’ na tinutukoy ng diyos.” Pagkatapos, nakikita nila ang “mga panganay na anak” at “mamuno bilang mga hari” na binanggit sa mga salita ng Diyos, at iniisip nila, “Ayos! May mga pakinabang at may magandang kinabukasan sa pananampalataya sa diyos. Tama ang napili kong landas. Tama ang naging desisyon ko. Kailangan kong maging masipag sa aking pananampalataya at kumapit sa tunika ng diyos. Hindi ako pwedeng sumuko, kahit na sa huling sandali!” Habang patuloy silang nagbabasa, nakikita nila na binabanggit ng mga salita ng Diyos na, “ang sumusunod hanggang wakas ay maliligtas.” Para sa mga anticristo, ang pagbabasa nito ay katulad ng pagkapit sa pag-asa nila sa buhay. “Magsasagawa ako ayon sa mga salitang ito. Kahit kailan at kahit saan, at kahit ano pa ang mangyari, kahit matuyo ang dagat at maging alikabok ang mga bato, kahit maging berdeng parang ang asul na dagat, hindi magbabago ang mga salitang ito. Kahit mawala na ang langit at lupa, ang mga salitang ito ay hindi mawawala. Hangga’t sinusunod ko ang mga salitang ito, hindi ba’t magkakaroon ako ng magandang kalalabasan, ng magandang hantungan? Hindi ba’t magiging maayos na ang kinabukasan at kapalaran ko? Mabuti! Kailangan kong maging isang taong sumusunod hanggang sa wakas!” Sa paulit-ulit na paghahanap, pagsasaliksik at pagsusuri gamit ang kung ano-anong paraan, sa wakas ay nakahanap sila ng pag-asa sa buhay sa mga salita ng Diyos at natuklasan nila ang pinakamalaking “lihim.” Napuno sila ng galak, “Sa wakas, hindi ko na kailangang mag-alala na matitiwalag ako, hindi ko na kailangang mag-alala na mapunta ako sa lawa ng apoy at asupre, hindi ko na kailangang mag-alala na mapunta ako sa impiyerno. Nahanap ko na sa wakas ang hantungan ko at ang isang daanan tungong langit, ang magandang hantungan ng sangkatauhan—kamangha-mangha!” Pero hindi ito nagtatagal, at kapag binabasa nila ang kabanata ng mga salita ng Diyos, ang Tungkol sa Hantungan, iniisip nila: “Ano ang sinasabi ng mga salitang ito tungkol sa mga hantungan? Parang hindi masyadong detalyado magsalita ang Diyos tungkol sa mga hantungan ng iba’t ibang uri ng tao. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng diyos? Ano ang dapat kong gawin? Hindi ako dapat mag-alala, kailangan kong patuloy na magbasa.” Pagkatapos, kapag nakikita nila na sinasabi ng Diyos na “maghanda ng sapat na mabubuting gawa para sa iyong hantungan,” muli nila itong pinag-iisipan. “Kung gusto kong magkaroon ng magandang hantungan, kailangan kong maghanda ng sapat na mabubuting gawa. Ngayong inilatag na ng Diyos ang mga kondisyon, nagiging mas madali na ang mga bagay-bagay. Hindi ko na kailangan na gumawa ng mga gawain na walang patutunguhan at magsumikap nang walang saysay—alam ko na ngayon kung saan ko dapat ituon ang aking mga pagsisikap.” Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, natututunan ng mga anticristo kung ano ang mabubuting gawa, nakakahanap sila ng “paraan,” at nagkakaroon ng solusyon. “Napakasimple lang pala nito. Ang pagbibigay ng limos at mga handog ay mabubuting gawa. Ang pangangaral ng ebanghelyo at pagkakamit ng mas maraming tao ay mabubuting gawa. Ang pagsuporta sa mga kapatid ay isang mabuting gawa. Ang pagbibigay ng mga bagay na mahalaga sa akin ay isang mabuting gawa. Para sa hantungan ko, itataya ko ang lahat ng ito; ipamimigay ko ang lahat ng bagay na ito!” Subalit pagkatapos ay iniisip nila, “Hindi pwede. Kung ibibigay ko ang lahat ng pera at materyal na ari-arian ko, paano ako mabubuhay sa hinaharap? Dapat ko munang basahin ang mga salita ng diyos para malaman kung kailan matatapos ang gawain niya at kung kailan hindi na kakailanganin ng mga tao ang mga bagay na ito sa kanilang buhay sa lupa. Hindi ako dapat magmadali. Pero kung hindi ko ihahandog ang mga bagay na ito, paano ako makakapaghanda ng mabubuting gawa? Ang magpatuloy ng ilang kapatid at mangaral ng ebanghelyo para magkamit ng mga tao ay mga bagay na madali lang gawin. Kaya kong kamtin ang mga bagay na ito.” Habang naghahanda ng mabubuting gawa, palagi nilang binibilang sa puso nila kung gaano na karaming mabubuting gawa ang naihanda nilaat kung gaano kaposible na magkaroon sila ng magandang hantungan. “Napakarami ko nang naihandang mabuting gawa, pero bakit walang ipinapahayag na pasya ang diyos tungkol sa akin? Hindi pa natatapos ang gawain ng diyos, kaya ano ang dapat kong gawin? Hindi maaari, kailangan kong makita kung ano pa ang sinasabi ng mga salita ng diyos tungkol sa kinabukasan at kapalaran at kung ano pang mga partikular na paliwanag ang nilalaman ng mga ito.” Patuloy silang naghahanap sa mga salita ng Diyos nang paulit-ulit. Kapag may nahanap sila na nakakabuti sa kanilang kinabukasan at kapalaran, natutuwa sila; kapag may nahanap sila na hindi umaayon sa kanilang kinabukasan at kapalaran, nasasaktan sila. Sa ganitong paraan, sa mga taon na binabasa nila ang mga salita ng Diyos, paulit-ulit silang nagiging negatibo at mahina dahil sa mga salita ng Diyos, at paulit-ulit din silang nagiging positibo, masaya, at sobrang nagagalak dahil sa mga salita Niya. Gayumpaman, kahit ano pa ang mga ipinapakita nilang mga kalagayan o emosyon, sadyang hindi nila matakasan ang pagkahumaling nila sa kanilang hantungan, kinabukasan, at kapalaran, at patuloy nilang hinahanap sa mga salita ng Diyos ang mga kapasyahan at pahayag tungkol sa kalalabasan ng iba’t ibang uri ng tao. Sa madaling salita, inilaan nila ang lahat ng pagsisikap nila sa mga salita ng Diyos. Pero kahit paano nila basahin ang mga salita ng Diyos, hindi talaga nila alam na naroroon ang katotohanan, ang daan, at ang buhay sa mga salita ng Diyos. Alam lang nila na mahahanap nila sa mga salita ng Diyos ang kanilang hantungan, ang hantungan ng sangkatauhan, at ang isang paraan para maiwasan ang mapunta sa impiyerno at mawalan ng kanilang hantungan. Kaya, pagkatapos ng maraming taon ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, ano ang nakamit nila? Kaya nilang magsalita tungkol sa maraming tamang doktrina at espirituwal na teorya, pero talagang hindi nila maiugnay ang mga salita ng Diyos sa kanilang diwa ng pagkontra sa Diyos, paghihimagsik laban sa Diyos, hindi pagsasagawa sa katotohanan, at hindi pagmamahal sa katotohanan kahit kaunti.

Madalas na nagsasaliksik at naghahanap sa mga salita ng Diyos ang mga anticristo para sa Kanyang mga paghahayag tungkol sa mga misteryo. Naghahanap din sila sa mga salita Niya para sa mga bagong termino, bagong bagay, at mga bagong pahayag, umaabot pa nga sila sa paghahanap ng ilang misteryo na hindi pa alam ng kahit sinong tao, espirituwal man o hindi, gaya ng kung ano ang puno ng igos, ano ang kahulugan ng 144,000 batang lalaki, at ano ang isang mananagumpay, pati na rin ang ilang pahayag at termino sa Aklat ng Pahayag na napakaraming taon nang sinasaliksik ng mga tao nang walang pagkaunawa. Talagang pinagsusumikapan nila ang mga bagay na ito at palagi silang naghahanap at nagsasaliksik kung mayroong anumang pahayag tungkol sa mga hantungan ng mga tao sa mga salitang ito, at kung mayroong anumang malinaw na paliwanag tungkol sa mga hantungan ng mga tao. Ngunit gaano man sila maghanap, palaging nagiging walang saysay ang mga pagsisikap nila. Kaya, habang ang mga anticristo ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos, sumusunod sa Diyos, at sumasabay lang sa mga nangyayari sa iglesia, palagi silang nababagabag sa kaibuturan ng puso nila. Madalas nilang tanungin sa kanilang sarili: “Makakatanggap ba ako ng mga pagpapala? Ano nga ba ang kinabukasan at kapalaran ko? Magkakaroon ba ako ng lugar sa kaharian ng diyos? Kapag dumating na ang hantungan ko, mapagmamasdan ko ba ang isang asul na langit o mapupunta ba ako sa isang napakadilim na mundo kung saan ni sarili kong kamay ay hindi ko makita? Ano nga ba ang hantungan ko?” Habang patuloy nilang tinatanong ang sarili nila nang ganito sa kanilang puso, palihim din nilang tinatanong ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso: “Kuwalipikado ba akong pumasok sa kaharian ng langit? Maiiwasan ko ba ang mapunta sa impiyerno? Makakapasok ba ako sa kaharian ng langit sa pamamagitan ng paghahangad nang ganito? Makakatanggap ba ako ng mga pagpapala sa hinaharap? Makakapasok ba ako sa mundong darating? Ano ang saloobin ng diyos? Bakit hindi ako binibigyan ng diyos ng tumpak at tiyak na pahayag tungkol sa usaping ito para mapayapa ang isipan ko? Ano ba talaga ang magiging kalalabasan ko?” Hindi ba’t ito ang iniisip ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso habang pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, at habang sumasabay lang sila sa agos at walang ibang magawa kundi magpatuloy? Ito ang kinikimkim nilang saloobin sa kaibuturan ng kanilang puso tungkol sa kanilang kinabukasan at kapalaran: Palaging abala ang isipan nila tungkol sa mga bagay na ito, desperado silang kumakapit sa mga ito at tumatangging bumitaw.

Kapag pinag-aaralan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, may isang bagay na mas interesante para sa kanila kaysa sa paghahanap ng kanilang mga hantungan at pagsasaliksik ng mga misteryo; iyon ay kung kailan aalis sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao, kung kailan Niya tatapusin ang Kanyang ministeryo, kung kailan matatapos ang Kanyang malaking proyekto, kung kailan matatapos ang Kanyang gawain, kung kailan magtatamasa ng mga dakilang pagpapala ang mga sumusunod sa Kanya, at makikita ang tunay Niyang persona. Nag-aalala rin sila nang husto kung makikita nila ang pag-alis ng Diyos. Bukod sa araw kung kailan matagumpay na makokompleto ang plano ng pamamahala ng Diyos, mas inaalala nila kung kailan aalis si Cristo sa lupa, kung ano ang mangyayari kapag umalis si Cristo sa lupa, kung ilang taon na sila ngayon, kung buhay pa rin ba sila sa oras na iyon para makita ang pag-alis ni Cristo sa lupa sa darating na 10 o 20 taon, kung ano ang mangyayari kung makita nila ito, at kung ano ang mangyayari kung hindi nila ito makikita; gayon ang mga kalkulasyon sa isipan nila. May ilan na nagninilay-nilay, “Animnapung taong gulang na ako. Kung buhay pa ako sa darating na 10 taon, tiyak na makikita ko ang pag-alis ni cristo sa lupa, pero kung patay na ako kapag natapos na ang gawain ng diyos sa darating na 10 taon, ano pa ang silbi ng pananampalataya ko sa diyos? Bagama’t inorden ng diyos na ipanganak ako sa panahong ito, kungbilang tagasunod ng diyos ay mapalampas ko ang pagkakataon na masaksihan ang isang napakadakila at napakalaking kaganapan, kung gayon, hindi ako maituturing na pinagpalang tao, at wala akong matatanggap na anumang dakilang pagpapala!” Ang gayong mga kaisipan ay nagbubunga ng kalungkutan at kawalang-kasiyahan sa kanila. Gaano katindi ang kanilang kawalang-kasiyahan? “Masyado na akong matanda; bakit hindi pa umalis ang diyos sa lupa? Bakit hindi pa natatapos ang gawain ng diyos? Kailan tayo matatapos sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Hayaang mabilis na matapos ang gawain diyos, hayaan ang diyos na tapusin ang kanyang malaking proyekto, hayaan na mabilis na bumagsak ang mga sakuna, hayaan ang diyos na magmadaling wasakin si Satanas at parusahan ang masasamang tao!” Ano ba ang ginagawa nila? Hindi ba’t nanghihingi sila sa Diyos batay sa kanilang sariling kalooban, umaasa na mahihikayat nila Siya na kumilos ayon sa kalooban nila? Hindi ba’t nakapaloob sa kalooban nilang ito ang kanilang mga personal na interes? Dahil sa sarili nilang mga interes, sabik silang umaasa na tapusin na ng Diyos ang Kanyang dakilang proyekto, na mabilis na bumagsak ang mga sakuna, na magmadali ang Diyos at na parusahan ng Diyos ang masasama at gantimpalaan ang mabubuti, at na matanggap ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian. Anong mga motibo ang kinikimkim nila sa kanilang puso? Isinasaalang-alang ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? (Umaasa sila na makatanggap ng mga pagpapala.) Gusto nila na sa kanilang hantungan umikot ang plano ng pamamahala ng Diyos, alang-alang sa kanilang sariling mga interes at hantungan. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito at walang kahihiyan? Sa lahat ng usapin, ano ang diwang ipinapakita ng mga anticristo? Inuuna nila ang kanilang mga interes sa lahat ng bagay, at hinahayaang mangibabaw ang kanilang mga interes. Ibig sabihin, hindi nila tinutulutan na may anumang bagay na sumalungat sa kanilang mga interes, kahit pa ang plano ng pamamahala ng Diyos. Kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, kung kailan makokompleto ang Kanyang dakilang proyekto, kung kailan Siya makakatanggap ng kaluwalhatian, at kung kailan Niya wawasakin ang sangkatauhan, ang lahat ng ito ay dapat na umiikot sa mga interes ng mga anticristo at sa hantungan nila, ang lahat ng ito ay dapat na nakaugnay sa hantungan nila. Kung hindi, itatatwa nila ang Diyos, tatalikuran ang kanilang pananampalataya sa Kanya, at isusumpa pa nga nila Siya.

Isa sa mga pangunahing pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang salita ng Diyos ay ang pag-aaral. Sa ganitong saloobin tinatrato ng isang tunay na hindi mananampalataya ang salita ng Diyos. Ano ang pinag-aaralan nila? Hindi nila pinag-aaralan ang katotohanan, o kung ano ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, o ang mga salita Niya na naglalantad sa sangkatauhan, o ang mga salita Niya na humahatol sa sangkatauhan, at tiyak na hindi nila pinag-aaralan ang Kanyang mga layunin, pinag-aaralan nila ang sarili nilang kinabukasan at kapalaran. Anumang parte ng salita ng Diyos ang binabasa nila, kung naglalaman ito ng mga salita na nauugnay sa kanilang kinabukasan at kapalaran—na pinakanag-aalala sila—ang mga iyon ay maingat nilang pag-aaralan at mamarkahan bilang importante. Halimbawa, kapag nakakakita sila ng mga salita ng Diyos na naglalantad at naghihimay tungkol sa mga taong tulad nila, o ng mga paglalarawan at pahayag tungkol sa mga taong tulad nila, masusi nilang pag-aaralan at babasahin nang paulit-ulit ang mga gayong salita. Ano ang hinahanap nila? Naghahanap ba sila para makita kung paano nila mauunawaan ang mga layunin ng Diyos at matutuklasan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa? Naghahanap ba sila para makita kung paano nila mauunawaan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng salita ng Diyos? Hindi. Naghahanap sila para mahinuhanila ang ipinapahiwatig sa mga salitang ito, nang sa gayon ay malinaw nilang makita ang saloobing kinikimkim ng Diyos sa mga taong katulad nila sa likod ng mga salitang ito, kung kinamumuhian at kinasusuklaman ba sila ng Diyos, o kung ililigtas Niya sila. Sinisiyasat nila hindi lang ang nilalaman ng mga salitang ito ng Diyos kundi pati ang tono at saloobin ng mga salita Niya at ang mga kaisipan sa likod ng mga ito. Kapag napagsama-sama na nila ang lahat ng parte ng salita ng Diyos na may kaugnayan sa mga hantungan ng mga taong tulad nila, at natuklasan nila na ang saloobin ng Diyos sa kanila ay pagtataboy at hindi pagliligtas, agad na manlalamig nang 80 hanggang 90 porsyento ang kanilang saloobin sa pananampalataya sa Diyos. Agad na uusbong sa puso nila ang di-pananampalataya, at ganap na magbabago ang saloobin nila. Gaano kalaki ang pagbabagong ito? Hindi na nila nanaising gawin ang mga tungkuling balak nilang gawin, o talikuran ang bagay na balak nilang talikuran. Bagama’t ginusto nilang ipangaral ang ebanghelyo sa kanilang mga pamilya noong una, hindi na nila gagawin iyon—dahil hindi na sila nananampalataya, at siguradong hindi rin nananampalataya ang mga tao sa pamilya nila. Sa kabuuan, sisirain at bibitiwan nila ang lahat ng kanilang orihinal na plano. Hindi ba’t isa itong esensiyal na saloobin na kinikimkim ng mga anticristo patungkol sa salita ng Diyos? Ang pakay nila sa pag-aaral ng salita ng Diyos ay hindi ang hangarin ang katotohanan at hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan, para maunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, at maging tapat sila sa Kanya; ang pakay nila ay ang makahanap ng tumpak na pahayag kung paano tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga taong katulad nila. Kapag nakakita sila ng katiting na pag-asa, kakapit sila rito nang napakahigpit; makakaya nilang talikuran ang lahat para sa katiting na pag-asang ito, at magbabago nang husto ang saloobin nila. Pero kapag gumuho ang lahat ng pag-asa nila na makatanggap ng mga pagpapala, muli na namang magbabago nang husto ang saloobin nila, hanggang sa puntong mawala ang kanilang pananampalataya at bumaling sila sa pagkakanulo, at maging sa pagmumura sa Diyos sa puso nila. Ito ang mga pagpapamalas ng mga anticristo.

Siyempre, gagamitin din ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos para maghanap ng pansariling kapakinabangan habang pinag-aaralan nila ang mga ito. Anong uri ng kapakinabangan? Habang pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, ibinubuod nila kung ano ang mga panuntunan ng pananalita ng Diyos, kung ano ang tono Niya kapag pinupungusan Niya ang mga tao, kung ano ang Kanyang paraan ng pagsasalita kapag inilalantad Niya ang sangkatauhan, kung paano Niya binibigyang-ginhawa at hinihimok ang mga tao, anong mga pamamaraan ang ginagamit Niya, at anong karunungan ang mayroon Siya. Dalubhasa ang mga anticristo sa pag-aaral at panggagaya sa paraan ng pagsasalita at paggawa ng Diyos; kasabay nito, gumagamit din sila ng mga salitang karaniwang sinasabi ng Diyos sa pakikipag-usap at pakikipagbahaginan sa iba. Habang pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, patuloy din nilang sinasangkapan ang sarili nila ng mga salita ng iba’t ibang katotohanan sa mga ito, ginagawa nilang sariling pag-aari ang mga ito, ginagamit ang mga salitang ito ng Diyos para gumawa at mag-ipon ng kapital. Ano ang tinutukoy ng kapital na ito? Halimbawa, naniniwala sila na[a] sa isang pagtitipon, ang sinumang mas mahusay magsalita ng mga tamang salita at doktrina, ang sinumang mas maraming naisasaulong salita ng Diyos, nakakapagsipi ng mas maraming salita ng Diyos, at nakakapagpaliwanag ng mas maraming salita ng Diyos ay maaaring ang uri ng tao sa iglesia na may pinakamalaking tsansa na maligtas. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, nauugnay ito sa kinabukasan at kapalaran nila. Hindi nila kailanman simpleng isasagawa ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, hindi rin sila magdurusa o magbabayad ng halaga alang-alang sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para ilihis ang mga tao, para itaas ang sarili nilang reputasyon, at para maghanda ng mga sapat na kondisyon para sa kanilang kaligtasan. Kaya, ang diwa ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang salita ng Diyos ay na kahit kailan, hinding-hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o bilang isang daan na dapat sundin ng mga tao. Bagama’t ipinangangalandakan at binabasa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos araw-araw, at bagama’t nakikinig sila sa pagbabasa ng Kanyang mga salita, isang bagay ang sigurado: Hindi nila isinasagawa ang mga salita ng Diyos. Sa tuwing oras na para isagawa ang Kanyang mga salita, nawawala ang kanilang sinseridad—nagpapakana lamang sila para sa kanilang sariling kinabukasan at kapalaran. Sa panlabas, nagpapanggap silang mahal nila ang mga salita ng Diyos at pinananabikan nila ang mga ito. Ngunit ang totoo, sa pagbabasa at pag-iipon ng mga salita ng Diyos araw-araw, ang layon nila ay ang makamit ang mga kondisyon para sa kanilang kaligtasan; ginagawa nila ito nang umaasa na magkapagbibigay sila ng magandang impresyon sa Diyos bilang kapalit. Hindi sila naniniwala na sinisiyasat ng Diyos ang puso ng mga tao—alam lang nila na tumitingin lang ang mga tao sa panlabas na anyo, kaya iniisip nila na tiyak na tumitingin lang din ang Diyos sa panlabas na anyo, at kaya, sa mga bagay na ito, nagbabalatkayo at nanlilinlang sila, gumagamit ng panlalansi. Iniisip nila, “Kailangan ko lang itong gawin sa panlabas. Hindi mahalaga kung ano ang saloobin ko sa puso ko—hindi naman ito nakikita ng mga tao, patirin ng diyos. Sa katunayan, kahit gaano pa ako magbasa ng mga salita ng diyos, hindi ko ito ginagawa para maging isang tunay na nilikha. Kung walang kinalaman ang kinabukasan at kapalaran ko, hindi ko titiisin ang paghihirap na ito, ni ang hinanakit na ito!” Sa isipan nila, gaano man kaganda pakinggan ang mga salita ng Diyos, hindi posibleng maisakatuparan ang mga ito, at hindi posibleng maisabuhay ng mga tao ang mga ito. Kahit pa may iilang tao na nagsasabuhay sa mga salita ng Diyos nang kaunti, siguradong ginagawa nila ito para sa sarili nilang mga pakay. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Walang libreng tanghalian.” Iniisip nila, “Tinitiis namin ang mga gayong paghihirap para sa pananampalataya namin sa diyos, nagbabasa at nakikinig kami sa mga salita niya araw-araw, namumuhay ayon sa mga salita niya—para saan ang lahat ng ito? Hindi ba’t para lang sa iisang layon na iyon? Alam na alam ng lahat sa kaibuturan ng puso nila na lahat ito ay alang-alang sa kanilang kinabukasan at kapalaran; kung hindi, bakit namin isusuko ang magagandang panahon ng paghahangad sa mundo para lang magdusa rito?” Sa usaping ito, anong katunayan ang itinanggi nila? Ang salita ng Diyos ay katotohanan, at kayang iligtas ng katotohanan ang mga tao, baguhin ang mga tao, at tulungan ang mga tao na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t ito ang resulta na kayang idulot ng salita ng Diyos? (Ito nga.) Inaamin ba ng mga anticristo ang katunayang ito? Itinatanggi nila ito, sinasabi nila, “Sinasabi ng lahat na kayang iligtas ng salita ng diyos ang mga tao, pero sino na ang naligtas nito? Sino na ang nakakita na nangyari ito? Bakit hindi ako naniniwala rito?” Bakit sinasabi na kayang iligtas ng salita ng Diyos ang mga tao, baguhin ang mga tao, at tulungan ang mga tao na makawala mula sa tiwaling disposisyon ni Satanas? Dahil ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, at maaari itong maging buhay ng mga tao. Kapag taglay ng mga tao ang salita ng Diyos bilang buhay nila, maliligtas sila; sila ang nagiging mga taong naligtas. Ang katunayang ito ay hindi kinikilala ng mga anticristo. Naniniwala sila na alang-alang lamang sa pagtanggap ng mga pagpapala at sa isang magandang hantungan kaya nakarating ang mga tao sa kinaroroonan nila ngayon, at na ito ang tangingdahilan kung bakit ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Itinatanggi nila ang mga bunga ng salita ng Diyos, itinatanggi ang mga resulta na nakakamit ng katotohanan sa mga tao, at itinatanggi na ang katotohanan ay kayang lupigin ang mga tao, baguhin ang mga tao, at iligtas ang mga tao. Naniniwala sila na sumusunod lang ang mga tao sa Diyos dahil lang sa pag-aalala at paghahangad sa sariling kinabukasan at kapalaran ng mga ito. Hindi sila naniniwala na ang salita ng Diyos ay kayang baguhin ang mga tao, gawing tapat ang mga tao sa Diyos, o hikayatin ang mga tao na magpasakop sa Diyos nang walang kondisyon, o hikayatin ang mga tao na gawin ang mga tungkulin ng mga ito bilang mga nilikha sa sambahayan ng Diyos—hindi sila naniniwala sa alinman sa mga ito. Samakatwid, ang mga anticristo, na inuuna ang kanilang mga interes, ay hindi naghahangad sa katotohanan nang sila mismo; habang itinuturing nila ang mga salita ng Diyos bilang isang uri ng retorika, isang uri ng pahayag, hindi sila naniniwala na kayang iligtas ng mga salitang ito ng Diyos ang mga tao. Naniniwala sila na ang lahat sinsero at tapat sa Diyos ay mga huwad at may mga sariling interes na nakataya. Gaano man karaming salita ng Diyos angmarinig nila, gaano man karaming sermon ng Diyos ang marinig nila, sa huli, ang dalawang salitang iyon lang ang mananatili sa puso nila—kinabukasan at kapalaran. Ibig sabihin, ang mga salita ng Diyos, ang gawain ng Diyos, at ang plano ng pamamahala ng Diyos ay makakapaghatid ng magandang kinabukasan at kapalaran, at pati na ng magandang hantungan para sa mga tao. Para sa mga anticristo, ito ang pinakakatotoo, at pinakakataas-taasang katotohanan. Kung hindi dahil dito, una, hindi sila mananampalataya sa Diyos. Pangalawa, hindi nila titiisin ang mga gayong hinanakit para manatili sa sambahayan ng Diyos. Pangatlo, hindi sila gagawa ng anumang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Pang-apat, hindi sila magtitiis ng anumang paghihirap sa loob ng sambahayan ng Diyos. At panglima, matagal na sana silang bumalik sa makamundong buhay para magpakasasa sa yaman at kaluwalhatian, maghangad sa mundo, maghangad ng kasikatan at pakinabang, pera, at mga buktot na kalakaran. Pansamantala lang silang nananatili ngayon sa sambahayan ng Diyos dahil nakataya ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Determinado ang kanilang saloobin patungkol sa pagtitiyak sa kanilang kinabukasan at kapalaran, habang nagkikimkim din sila ng isang mentalidad ng pakikipagsapalaran, umaasa na kapag natapos na ang gawain ng Diyos, mapapabilangsila sa mga makakapasok sa kaharian ng langit at makakatanggap ng mga dakilang pagpapala. Anong klaseng mentalidad ito? Gusto nilang subukang makakuha ng mga pakinabang mula sa Diyos para makamit ang mga layon nila, pero ayaw nilang magpasakop sa Kanya; higit pa rito, ni hindi nila pinaniniwalaan ang lahat ng salitang sinabi ng Diyos, ni pinaniniwalaan na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi ba’t medyo buktot ito? Pagdating sa kanilang saloobin sa pag-aaral ng salita ng Diyos, sila ay mga hindi mananampalataya. Ang kakayahan ng mga anticristo na gamitin ang gayong saloobin sa pagsasaliksik, pagbabasa, at pagtrato sa mga salita ng Diyos ay nagpapakita na sila ay mga tipikal na hindi mananampalataya, mga tahasang hindi mananampalataya sa lahat ng aspekto. Kaya, paanong nagagampanan pa rin nila ang ilang paimbabaw na gawain sa sambahayan ng Diyos at paanong patuloy pa rin silang nakakasunod nang hindi lumilihis? Paano man sila pinupungusan, bakit nagagawanilang manatili at makilahok pa nga sa buhay iglesia, at patuloy na makinig at magbasa ng mga salita ng Diyos? Bakit ganito? (Gusto nilang makatanggap ng mga pagpapala.) Dahil gusto nilang makatanggap ng mga pagpapala. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Sinuman ang nagpapakain sa akin ay aking ina, at sinuman ang nagbibigay sa akin ng pera ay aking ama.” Anong klaseng lohika ito? Hindi ba’t ang lohikang ito ay puno ng pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo? Nananampalataya sila sa Diyos sa ilalim ng impluwensiya ng satanikong pilosopiyang ito: “Wala akong pakialam kung anong ekstraordinaryong gawain na ang nagawa mo—ano man ang disposisyon o diwa mo, basta’t mapagkakalooban mo ako ng mga pagpapala, ng isang magandang hantungan, at magandang hinaharap, at hahayaan mo akong magkaroon ng mga dakilang pagpapala, susunod ako sa iyo at ituturing kitang diyos sa ngayon.” Mayroon bang anumang aspekto ng tunay na pananalig dito? (Wala.) Kaya, pagdating sa kung paano nila tinatrato ang mga salita ng Diyos, ang paglalarawan sa mga gayong tao bilang mga anticristo at hindi mananampalataya ay napakatumpak!

Ang saloobin ng mga anticristo patungkol sa mga salita ng Diyos ay isang saloobin ng pag-aaral. Hindi nila kailanman itinuturing ang salita ng Diyos bilang ang salita ng Diyos; ano ang turing nila rito? Isang koleksiyon ng mga misteryo? Isang hindi kapani-paniwalang kuwento? Mga malabo at di-maarok na teksto? Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila hinahanap ang mga layunin Niya, hindi rin nila sinusubukang unawain ang Kanyang mga layunin o disposisyon. Hindi rin nila gustong makilala ang Diyos, lalong hindi nila gustong isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos na, “Ang madalian Kong pagnanais ngayon ay ang maghanap ng isang grupo ng mga tao na kayang maging lubusang mapagsaalang-alang sa Aking mga layunin,” naaantig ba sila? Sinasabi nila: “Ano ba itong iba’t ibang usapin tungkol sa paghahanap ng mga tao na nagsasaalang-alang sa mga layunin ng diyos? Ano ang silbi ng pagsasaalang-alang sa iyong mga layunin? Mapapakain ba ako nito nang regular o tutulutan akong kumita ng pera? Nauuwi ba sa magandang hantungan ang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng diyos? Makapagbibigay ba ito sa akin ng malalaking pagpapala? Kung hindi nito magagawa ang mga bagay na ito, hindi bale na lang; hindi ko kailangan maging mapagsaalang-alang. Naghahanap ako ng landas para maiwasan ko ang maitapon sa impiyerno at para makakuha ako ng magandang hantungan. Kung makakapagbigay sa akin ng mga pagpapala ang pagsasaalang-alang sa mga layunin mo, kung gayon ay magiging mapagsaalang-alang ako. Sabihin mo lang sa akin kung paano.” Sa tingin ba ninyo ay matutugunan nila ang mga hinihingi ng Diyos? (Hindi.) Isang bagay lang ang inihahain ng Diyos: sundin ang kalooban ng Diyos, magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa paggawa nito, isinasaalang-alang mo ang mga layunin Niya at makakatanggap ka ng malalaking pagpapala. Kapag naririnig ito ng mga anticristo, iniisip nila, “Hindi ako nag-isip nang husto, hindi ako dapat sineryoso. Wala akong kakayahang isaalang-alang ang mga layunin ng diyos, hindi bale na. Hindi uubra ang ganitong paraan; maghahanap ako ng iba pa.” Pagkatapos, nagsisimula silang magsumikap sa ibang mga aspekto ng mga salita ng Diyos. Itinutuon nila ang kanilang pagsisikap sa pananaliksik at pagsusuri ng ibang mga aspekto, pero pagkatapos ng lahat ng pagsusuri, ang nakukuha lang nila mula rito ay ilang salita at doktrina. Dahil hindi nila mahal ang katotohanan, at dahil itinuturing nila ang sarili nilang mga interes, kinabukasan, at kapalaran bilang ang panghabambuhay na pakay ng kanilang paghahangad, naging simpleng mga kasabihan na lang para sa kanila ang mga salita ng Diyos. Hindi sila kailanman nakaranas ng anumang pagtatamasa mula sa gawain ng Diyos o sa patnubay ng Banal na Espiritu. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, wala silang nakikitang liwanag at wala silang natatamong kaliwanagan o pagtustos. Ang tanging nakakamit nila ay ilang salita at doktrina, at ilang pagsisiwalat at kasabihan tungkol sa mga misteryo at hantungan. Kapag itinuturing nila ang mga kasabihan at doktrinang ito bilang kapital, tila nararamdaman nila na naging kontrolado na nila ang sarili nilang hantungan, na natiyak na nila ang kanilang hantungan. Gayumpaman, sa gitna ng patuloy na paglalantad, paghatol, at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, o sa gitna ng mga hinihingi ng Diyos sa tao sa iba’t ibang yugto, pakiramdam nila ay tila nawalan na sila ng hantungan at hindi na sila maliligtas. Sa panahong ito, palagi silang hindi mapalagay; palaging may mga pagtatalo sa isipan nila sa kanilang kaibuturan alang-alang sa pagtitiyak ng isang magandang hantungan. Mahihirapan sila dahil sa isang pangungusap ng Diyos, magiging negatibo sila dahil sa isa pang pangungusap ng Diyos, at magiging masaya sila dahil sa isa pa. Gayumpaman, masaya man sila o kumakapit man sila sa isang hibla ng pag-asa, para sa mga gayong tao, panandalian lang ito. Kaya, sa huli, nararamdaman ng ilang anticristo na parang hindi maliligtas ang mga taong katulad nila; nakikita nila mula sa mga salita ng Diyos na tila ayaw ng Diyos sa mga taong kagaya nila—makakatanggap ba sila ng mga pagpapala o hindi? Ano ba talaga ang kinabukasan at kapalaran nila? Pakiramdam nila ay walang nakakabatid sa mga ito, hindi sila sigurado tungkol sa mga ito. Sa puntong ito, ano ang gagawin nila? Maaari ba silang magsisi? Katulad ng mga taga-Ninive, kaya ba nilang abandonahin ang kasamaang hawak nila, magbalik-loob para magtapat at magsisi sa Diyos, tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila, at tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon ng kanilang pag-iral? Hindi. Kung gayon, pagkatapos ng maraming taon ng paghahangad, maraming taon ng pag-asa, at maraming taon ng pag-aaral sa mga salita ng Diyos, kung mapagtatanto nila na ang mga katulad nila ay talagang hindi makakatanggap ng mga pagpapala, walang anumang pag-asa, at tiyak na hindi ang mga taong ililigtas ng Diyos, at hindi makakakuha sa gusto nila, ano ang gagawin nila? (Iiwan nila ang Diyos.)

May isang espirituwal na kasabihan: “Pinapanibago ko ang panata ko na mahalin ang Diyos: Iniaalay ko ang aking katawan at puso sa Kanya.” “Napakaringal” ng kasabihang ito. Noong una Kong marinig ang mga salitang ito, lubos Kong naramdaman ang “karingalan” ng wika ng tao sa puso Ko. Itinuturing ng mga tao ang kanilang mga panata bilang napakahalaga, napakadalisay at walang kapintasan; itinuturing nila ang kanilang pag-aalay ng pagmamahal bilang napakadalisay at sagrado. Kaya ba ng mga anticristo na panibaguhin ang kanilang mga panata na mahalin ang Diyos at ialay ang kanilang katawan at puso sa Kanya? (Hindi nila kaya.) Bakit hindi? Sinasabi ng ilang tao: “Pagkatapos basahin ang napakaraming salita ng Diyos, kapag nakikita ko na hindi gumagana o walang nakukuhang mga resulta ang paraan ko ng pag-iisip, pinapanibago ko lang ang aking panata na mahalin ang Diyos, at inuulit ko ang orihinal kong panata sa Kanya. Hindi ba’t pagbabalik-loob ito? Hindi naman ito mahirap.” Kaya bang gawin ng mga anticristo ang gayong bagay? (Hindi nila kaya.) Bakit hindi nila kaya? Hindi ba’t ang “Pinapanibago ko ang aking panata na mahalin ang Diyos” ang pinakamatalinong pahayag ng tao? Hindi ba’t ito ang pinakadakila at pinakadalisay na pagmamahal ng tao? Kung gayon, bakit hindi ito magawa ng mga anticristo? (Walang pagkaunawa sa Diyos ang mga anticristo, lalong wala silang tunay na pagmamahal. Ang pagmamahal nila ay pawang peke at nakabatay sa mga interes nila. Sa sandaling wala silang makamit na mga pakinabang, tatalikod sila at aalis.) Kapag umabot sa puntong ito ang mga anticristo, pakiramdam nila ay may mali at na nagkamali sila ng pasya. Para mapalakas ang loob nila, kailangan nilang gumamit ng islogan o teorya para suportahan ang kanilang mga espirituwal na mundo—anong klaseng islogan? “Pinapanibago ko ang panata ko na mahalin ang Diyos: Iniaalay ko ang aking katawan at puso sa Kanya.” Ibig sabihin nito, magsisimula silang muli. Kung hindi, hindi na sila makakapagpatuloy na mamuhay, at matatapos na ang pananampalataya nila sa Diyos. Nagsasalita ang Diyos araw-araw sa Kanyang gawain, at sa tuwing nagsasalita Siya, ang mga salita Niya ay pawang tungkol sa katotohanan, pawang mga salitang naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng tao, na nag-uutos sa mga tao kung paano sila dapat pumasok sa mga katotohanang realidad at kung paano nila uunawain ang mga katotohanang prinsipyo—lahat ng ito ay mga salitang ito. At kaya, iniisip ng mga anticristo: “Bakit wala sa mga salitang ito ang tumatalakay tungkol sa mga hantungan o nagbabanggit ng mga usapin na may kinalaman sa pagkakamit ng mga pagpapala? Hindi ba’t ibig sabihin nito ay nauwi sa wala sa mga kamay ng diyos ang kinabukasan at kapalaran namin? Wala na ba ang pangako ng diyos sa amin? Kung hindi kailanman binabanggit ng diyos ang mga bagay na ito, kung gayon, marahil ay mabibigo lang ang mga inaasam namin. Kung mabibigo ang mga inaasam namin, ano ang dapat naming gawin? Madali lang iyon. Kung walang sinasabi ang mga salita ng diyos tungkol sa mga bagay na ito, gumamit tayo ng pamamaraang pantao: Panibaguhin natin ang ating mga panata na mahalin ang diyos!” Paano nagkaroon ng napakatinding sigasig ang mga tao, ng napakalaking pagmamahal at pananalig noong una silang manampalataya sa Diyos? Nang umabot sa rurok ang mga ito, ang mga tao ay gumawa ng mga kapasyahan sa harap ng Diyos at nanumpa, sinabi nila: “Kailanman at nasaan man ako sa buhay na ito, igugugol ko ang sarili ko para sa Diyos at iaalay ko ang sarili ko sa Kanya nang walang anumang reklamo o pagsisisi. Umulan man o umaraw, sa hirap man o ginhawa, magkasakit man ako, at kahit ano pa ang mga kapighatian, susunod ako sa Kanya hanggang sa huli, hanggang matuyo ang dagat at maging alikabok ang mga bato. Kung lalabagin ko ang panatang ito, tatamaan ako ng kidlat mula sa langit at hindi ako magkakaroon ng magandang hantungan.” Bakit wala na ngayon ang mga panata nila? Pakiramdam nila ay dahil masyado nang matagal ang lumipas, at napawi nito ang kanilang pananalig at pagmamahal. Sa puso nila, iniisip nila: “Hindi maaari, kailangan kong lakasan ang loob ko. Kailangan kong maging masigasig at masigla, at magkaroon ng pananalig at sigasig na kagaya noon. Kailangan kong ibalik ang mga mithiin ko, hantungan ko, at ang pagnanais ko na makatanggap ng mga pagpapala. Sa gayong paraan, hindi ba’t magiging kasinglaki ng dati ang pananalig at pagmamahal ko sa diyos? Hindi ba’t magiging katulad ng dati ang tunay kong dedikasyon sa kanya?” Gayumpaman, gaano man mahirapan sa kaibuturan ng puso niya ang isang taong hindi naghahangad sa katotohanan ni kaunti, o gaano man niya gunitain ang orihinal niyang pananalig at sigasig para sa Diyos, hindi nito mababago ang kasalukuyan niyang sitwasyon. Ano ang sitwasyong ito? Kapag nauwi sa wala ang kinabukasan at kapalaran niya, kapag papalayo nang papalayo sa kanya ang kinabukasan at kapalaran niya, kapag halos nawasak na ang pagnanais niya na makatanggap ng mga pagpapala, at kapag hindi maisakatuparan ang lahat ng kanyang inaasam at pagnanais, nagiging napakahirap para sa kanya na magpursige—napakasakit para sa kanya sa kaibuturan ng kanyang puso na magpursige sa ganitong paraan. Madalas siyang nakakaranas ng kalagayan at lagay ng loob kung saan tila hindi na niya kayang magpatuloy. Madalas niyang inaabangan kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos upang matamasa niya ang mga pagpapala ng kaharian ng langit. Umaasa pa nga ang ilang tao, “Hayaang matapos agad ang gawain ng diyos, hayaang mabilis na sumapit ang malalaking sakuna—kapag bumagsak ang langit, mamamatay ang lahat, walang sinuman ang dapat umasa sa magagandang resulta. Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala, walang sinuman ang nararapat!” Sa kaibuturan ng puso nila, hindi sila umaasa na paparito ang kaharian ng Diyos, hindi sila umaasa na matatapos ang malaking proyekto ng Diyos, at hindi sila umaasa na maluluwalhati sa wakas ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, o na ang Diyos ay magkakamit Diyos ng mga mananagumpay sa gitna ng sangkatauhan at mag-aakay sa sangkatauhan patungo sa magandang hantungan—hindi sila umaasa sa mga bagay na ito. Sa kabaligtaran, kapag nahaharap sa pagkawasak ang lahat ng kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, sa kaibuturan ng kanilang puso, isinusumpa nila ang gawain ng Diyos, tutol sila sa gawain ng Diyos, at higit pa rito, tutol sila sa mga salita Niya.

Para sa ilang tao sa panahon ngayon, matapos makinig ng mga sermon sa loob ng napakaraming taon, habang mas nakikinig sila, mas lalo silang nakakaunawa, mas nalilinawan ang puso nila, at mas lalo nilang gusto makinig. Sa kabaligtaran, mas nasusuklam ang ibang tao habang mas nakikinig sila sa mga sermon. Sa sandaling marinig nila ang mga salita ng Diyos, kusang nagpapakita ang malademonyo nilang katangian. Sa sandaling makinig sila sa pakikipagbahaginan ng Diyos tungkol sa katotohanan at tumutukoy ito sa mga tiwaling disposisyon ng tao, lumalabas ang kanilang mapaghimagsik na pag-iisip, at lubusan nilang ipinapakita ang pagkasuklam nila—hanggang saan nila ito dadalhin? Ang ilan ay sumusumpa sa puso nila: Isinusumpa nila ang Diyos, ang katotohanan, ang mga lider at manggagawa ng iglesia, at mas isinusumpa nila ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Kapag nakikita nila ang mga ganoong uri ng tao, hindi nila nagugustuhan ang mga ito at gusto nilang atakehin ang mga ito. Kapag nakikita nila ang mga gayong tao na nangangaral ng mga salita ng Diyos, nagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, at nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, sumusumpa sila sa puso nila hanggang sa mapagod at antukin sila. Kaya, nagliliwanag ang mga mata ng ilang tao sa sandaling makarinig sila ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, samantalang kapag nakakarinig ang iba ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos o kapag naririnig nilang sinasabi ng isang tao na nakatanggap ito ng kaunting liwanag mula sa mga salita ng Diyos, nalilito ang isipan nila, lumalabo ang mga isipan nila, at pinanghihinaan sila ng loob. Pakiramdam nila ay masyadong nabibigatan ang puso nila na hindi na sila makahinga, at palagi nilang gustong lumabas para makalanghap ng sariwang hangin. Pero kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa mga bagay tulad ng mga kinabukasan at kapalaran, mga pagpapala ng Diyos, kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, at ng mga misteryo, gaano man kaliit ang silid o gaano man kasama ang hangin, hindi sila lumalabas para magpahangin o hindi sila nakakatulog; nakikinig silang mabuti. Hindi mahalaga kung gaano katagal kang magsalita, kahit mawalan pa sila ng tulog o pagkain. Noong nakipag-ugnayan sa Akin ang ilang bagong mananampalataya, nakipagbahaginan Ako sa kanila tungkol sa mga kalagayan ng mga tao at kung paano dapat hangarin ng mga tao ang katotohanan, pero hindi sila nakaunawa at tinanong nila Ako kung pwede ba Akong magsalita tungkol sa ilang misteryo. Sabi Ko: “Gusto ninyong makarinig tungkol sa mga misteryo? Kung gayon, hayaan ninyong sabihin Ko muna sa inyo ang isang katunayan. Ang mga laging nag-uusisa tungkol sa mga misteryo at laging nagbibigay-pansin sa pagsasaliksik ng mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos ay mga walang kwenta. Sila ay pawang mga hindi mananampalataya at mga Pariseo.” Natulala ang mga bagong mananampalataya sa sagot Ko at masyado na silang nahiyang magtanong pa, pero nakahanap sila ng pagkakataon na magtanong ulit kalaunan, at sinagot Ko sila sa parehong paraan. Ano ang tingin ninyo sa paraan ng pagsagot Ko sa kanila? (Mabuti ito. Makakatulong ito sa kanila na pagnilayan ang kanilang sarili.) Magninilay-nilay ba sila? Hindi. Kung gayon, paano ninyo sila matutulungan? Sabihin lang ninyo sa kanila: “Ang mga misteryo ay hindi buhay o katotohanan. Kahit gaano karaming misteryo ang nauunawaan mo, hindi ito magiging katumbas ng pag-unawa mo sa katotohanan. Kahit malaman mo ang bawat misteryo, hindi ito magiging katumbas ng pagbibigay-daan sa iyo na makapunta sa langit o magkaroon ng magandang hantungan.” Ano ang tingin ninyo sa pagtulong sa kanila gamit ang mga salitang ito? Hindi ba’t ganap nitong naipapaliwanag ang usapin? Kapag ang mga salitang ito ay naririnig ng mga taong may espirituwal na pagkaunawa, nagmamahal sa katotohanan, at naghahangad sa katotohanan, sinasabi nila, “Inakala ko na ang mga misteryo ay buhay, pero ngayong alam ko na hindi pala, hindi na ako magsasaliksik pa tungkol sa mga ito. Kung gayon, ano ba ang buhay?” Ipinapakita nito na nakaunawa na sila nang kaunti. Kaya, natutulungan ba ang mga anticristo pagkatapos nilang marinig ang mga salitang ito? Nagbabago ba sila? Hindi nila nagagawang magbago. Hindi sila nakakahanap ng anumang pakinabang sa mga salitang ito, naniniwala sila na walang mga pagpapala sa mga salitang ito, na walang kinalaman sa mga ito ang kinabukasan at kapalaran nila, na hindi nauugnay at hindi konektado ang mga ito sa kinabukasan at kapalaran nila, at na walang silbi ang mga ito, kaya, hindi nila kayang tanggapin ang mga ito. Kung gayon, anong pakikipagbahaginan ang konektado sa kinabukasan at kapalaran nila? Maaari mong sabihin, halimbawa: “Sa panahon ngayon, maraming lumilitaw na kakaibang penomena sa mundo. Sa ilang lugar, may lumitaw na apat na buwan, at ilang beses nang namasdan ang blood moon. Madalas nangyayari ang mga kakaibang pangyayari sa kalangitan. Iba’t ibang salot at sakuna na rin ang lumitaw sa mundo ng tao, at sa ilang lugar, nasasangkot ang mga tao sa kanibalismo. Kung titingnan ang sitwasyon, nakarating na tayo sa panahon ng mga mangkok at salot na ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag.” Kapag naririnig ng mga anticristo ang mga salitang ito, nagniningning ang mga mata nila, at nakikinig silang mabuti. Nagagalak sila, “Mabuti na isinilang ako sa panahong ito. Makakatanggap ako ng malalaking pagpapala. Talagang matalino ako! Hindi ko pinili na maghangad ng mga makamundong bagay. Tinalikuran ko ang aking makamundong kinabukasan at ang aking pamilya para sundin ang yugtong ito ng gawain ng diyos—masayang-masaya ako na nakakasunod ako hanggang ngayon. Nalalapit na ang araw ng diyos. Batay sa sitwasyon, mukhang aabot ako sa araw na matatapos ang gawain ng diyos bago ako mamatay. Sa araw na iyon, sigurado ako na isa ako sa mga ililigtas niya. Kay ganda nito!” Sa puso nila, lihim silang nagagalak na napili nila ang tamang landas, nahanap ang tamang pintuan, at na nakapagbayad sila ng ilang halaga. Nagagalak din sila na nagawa nilang sumunod hanggang sa puntong ito nang hindi sumusuko, na nasa sambahayan pa rin sila ng Diyos, at hindi nakapagdulot ng anumang problema, o hindi sila naalis o napatalsik. Kaya, mula noon, isasagawa ba nila ang katotohanan o magpapatuloy ba silang kumapit sa mga parehong inaasam? Hindi magbabago ang kanilang kaloob-loobang saloobin. Samakatwid, kapag nakahanap sila ng isang parte sa mga salita ng Diyos na pinaniniwalaan nilang natupad na, pakiramdam nila ay parang nakahanap sila ng kayamanan. Agad nilang nararamdaman na maswerte sila, na napili nila ang tamang landas, na nakapasok sila sa tamang pintuan, na napili nila ang tamang Diyos, at na sila ay matatalinong tao at matatalinong dalaga. “Buti na lang, iniwan ko ang trabaho ko noon. Tama ang naging pasya ko. Bakit napakatalino ko? Kung hindi ako naging napakaingat noon, baka napalampas ko ang mga pagpapala ngayon. Kailangan kong patuloy na mag-ingat sa hinaharap at ilaan ang buhay ko sa pagsisikap para sa kinabukasan at kapalaran ko.” Anong diwa ng mga anticristo ang nakikita ninyo sa usaping ito? Hindi ba’t mga oportunista ang mga taong ito? Wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa Kanyang gawain. Mga oportunista sila, mga taong nakapuslit sa sambahayan ng Diyos. Kaya, sa sambahayan ng Diyos, palaging pasibo ang mga taong ito, nagpapalipas lang ng mga araw nila. Binibilang nila sa mga daliri nila kung ilang taon na silang sumusunod sa Diyos, binibilang nila ang mga halagang ibinayad nila, ang mga dakilang bagay na nagawa nila, ang gawain ng Diyos na personal nilang naranasan, at ang mga hakbang ng gawain ng Diyos na may kaunti silang pagkaunawa. Kinakalkula nila ang mga bagay na ito sa puso nila buong araw, nang paulit-ulit, isinasantabi ang mga pinakamahalagang aspekto ng katotohanan at buhay. Nananampalataya sila sa Diyos para lang makatanggap ng mga pagpapala—ito ay oportunismo. Wala sa mga salita ng Diyos, o sa kaalamang batay sa karanasan ng sinuman, ang makakapagbago sa oportunistang saloobin nila kahit kailan. Ganito ang mga anticristo. Hindi sila kailanman makikipagkompromiso pagdating sa sarili nilang mga interes; hindi nila kailanman babaguhin ang mga pananaw nila, babaguhin ang direksiyon at mga layon ng landas na tinatahak nila, o babaguhin ang mga prinsipyo nila sa pag-asal alang-alang sa kinabukasan at kapalaran nila. Hindi nila isasagawa ang alinman sa mga salita ng Diyos para sa kinabukasan at kapalaran nila, kahit isang salita. Sinasabi ng ilan: “Isinasagawa naman nila paminsan-minsan ang ilang salita, tulad ng pagtalikod sa mga bagay-bagay o paggugol ng kanilang sarili.” Anuman ang isinasagawa nila, ginagawa nila ito sa batayan na may kinabukasan at kapalaran sila, at makakatanggap sila ng mga pagpapala. Anuman ang katotohanang isinasagawa nila, ito ay nadungisan at ginawa nang may intensiyon at layon. Ganap itong naiiba sa pagsasagawang hinihingi ng Diyos.

Kapag nagbabasa ang mga anticristo ng mga salita ng Diyos, pangunahing ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para hanapin ang kanilang hantungan at ang mga misteryo, kasama ang nilalaman na may kaugnayan sa kung kailan matatapos ang gawain at plano ng pamamahala ng Diyos, at kung kailan sasapit ang mga sakuna, at iba pa. Alang-alang sa sarili nilang hantungan, kaya nilang magsumikap nang husto at gumawa ng maraming bagay. Kaya, kapag natapos na ang gawain ng Diyos at sumapit ang malalaking sakuna, ang nais nilang malaman at ang iniisip lang nila ay kung maaari bang ipagpalit sa mga pagpapalang nais nila ang mga bagay na nagawa nila, ang mga halagang ibinayad nila, at ang mga bagay na tinalikuran nila, at kung maiiwasan ba nila na magdusa sa mga sakuna. Sa buong proseso ng pag-aaral nila sa mga salita ng Diyos, ilang taon man ang itatagal nito, ang iniisip lang nila ay ang kanilang sariling kinabukasan at kapalaran. Samakatwid, ang pokus nila habang binabasa ang mga salita ng Diyos at ang nilalaman na hinahanap nila sa mga salita ng Diyos ay pawang may ilang espesyal na tanda at katangian. Karaniwan, sa unang anim na buwan o sa unang taon, naghahanap ang mga bagong mananampalataya ng mga gayong paksa sa mga salita ng Diyos. Pero pagkatapos ng anim na buwan o isang taon, napagtatanto ng ilang tao na nabasa na nila ang lahat ng parteng ito noon pa, at sa tingin nila ay wala nang kabuluhan na saliksikin pa ang mga ito, na hindi mabibigyang-daan ng mga ito ang mga tao na makapasok sa katotohanan, at maaari pa nga itong makaapekto at makagulo sa pagpasok nila sa katotohanan, kaya, hindi na nila binabasa ang mga parteng ito. Para sa kanila, sapat na ang paminsan-minsang pagtingin at pag-unawa sa mga ito. Sa mga natitirang oras, nagninilay-nilay sila, “Paano ako makakapasok sa katotohanan? Maraming salita ng Diyos ang naglalantad sa sangkatauhan. Inilalantad ng mga ito ang panlilinlang, pagiging mapaghimagsik, at mayayabang na disposisyon ng mga tao; inilalantad ng mga ito ang iba’t ibang kuru-kurong panrelihiyon at saloobin ng mga tao patungkol sa Diyos. Higit pa rito, inilalantad ng mga ito ang iba’t ibang pagpapamalas ng di-normal na pagkatao ng mga tao. Kaya, paano ko mahahanap ang dapat isagawa ng mga tao mula sa mga salita ng Diyos?” Ang mga bagay na ito ang pinagsusumikapan ng mga taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Madalas silang nagtatanong tungkol sa mga aktuwal na problema na kailangan nilang maunawaan at pasukin sa kanilang tunay na buhay, gaya ng, “Ano ang susunod na dapat nating gawin, at paano tayo dapat magsagawa? Matapos manampalataya sa Diyos, siguradong magiging iba tayo sa mga walang pananampalataya at sa mga taong may mga matibay na paniniwala sa relihiyon, kaya anong mga makabuluhang pagbabago ang dapat mangyari sa buhay natin? Pagdating sa pag-asal natin at sa pakikitungo sa mundo, paano tayo dapat magsalita at kumilos, paano tayo dapat makisalamuha sa iba, at paano natin dapat isagawa ang katotohanan?” Gayumpaman, kahit manampalataya ang mga anticristo nang 10, 20, o 30 taon, hindi nila kailanman itatanong ang mga ito. Pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos at hinahanap nila sa mga salita ng Diyos ang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala at ang hantungan nila, at kahit maghanap pa sila sa loob ng 20 o 30 taon, hindi sila magsasawang gawin ito. Sa sandaling magkaroon ng katiting na tanda ng problema, agad silang naghahanap ng nilalaman sa mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa hantungan sila, at pagkatapos, pagkatapos ay sinusuri nila kung ano ang maaaring saloobin ng Diyos sa kanila batay sa kanilang kasalukuyang pananampalataya. Tila tinutukoy nila ang kanilang destinasyon ayon sa mga siklo at mga panahon. Hinding-hindi nila babaguhin ang mga kaisipan at saloobin nila, at hinding-hindi nila hahangarin ang katotohanan dahil lang sa mga pagbabago sa paraan ng paggawa ng Diyos o sa pagpapahayag ng Kanyang apurahang layunin para sa sangkatauhan. Hinding-hindi nila gagawin ang gayong bagay. Kaya naman, may ilang tao na 20 o 30 taon nang nananampalataya ang patuloy na pinagsusumikapan ang mga misteryo at paksang iyon na binanggit ng Diyos na may kinalaman sa kapalaran at hantungan ng sangkatauhan. Gaano nagsisikap ang ilang tao? Sinasabi nila, “Nang ikumpara ko ang bawat parte ng mga salita ng diyos, natuklasan ko ang pinakamalaking misteryo. Kapag lumisan na si cristo sa lupa, mangyayari ito sa tagsibol.” Ano sa tiningin ninyo ang nararamdaman Ko matapos itong marinig? Masaya ba Ako o malungkot? Hindi Ako masaya at hindi rin Ako malungkot. Sa tingin Ko, katawa-tawa ito. Talagang may mga taong pinagsusumikapan ang ganitong bagay, hanggang sa puntong alam na nila ang partikular na panahon. Kung mas magsusumikap pa sila at matutuklasan nila ang eksaktong oras, hanggang sa puntong alam na nila ang tumpak na minuto at segundo, talagang magiging mga “henyo” na sila! Talagang katawa-tawa at nakakainis na kayang matuklasan ng mga “henyo” na iyon ang isang bagay na maging Ako mismo ay hindi alam. Bakit ito katawa-tawa? Walang taong nakakaalam sa eksaktong oras kung kailan nagkatawang-tao ang Diyos, ni si Satanas ay hindi alam ito. Hahayaan ba ng Diyos na malaman ng sinuman ang isang bagay na kahit si Satanas ay hindi alam? Siyempre hindi. Gayundin, pagdating sa kung kailan tatapusin ng Diyos ang Kanyang malaking proyekto, at kung kailan tatapusin ng Kanyang katawang-tao ang gawain sa lupa at kung kailan Siya lilisan—isa ba itong bagay na ipapaalam ng Diyos sa sinuman? May dahilan ba para malaman ito ng lahat? (Wala.) Hahayaan ba ng Diyos na aksidenteng malaman ng mga tao ang anumang bagay na ayaw Niyang malaman ng mga tao kapag nagsasalita Siya? Tiyak na hindi. Subalit, talagang sinasabi ng ilang tao na natuklasan nila sa mga salita ng Diyos ang oras kung kailan aalis ang Diyos sa lupa. Sinasabi pa nga nila na sa tagsibol ito. Hindi ba’t kakaiba ito? Hindi ba’t katawa-tawa ito? Alin sa mga salita ng Diyos ang pinagbatayan ng mga taong ito ng kanilang pahayag? Nang magsalita ang Diyos tungkol sa paggawa ng isang bagay sa tagsibol, maaaring ibang bagay ang tinutukoy Niya. Maaari kayang ito ang tinutukoy Niya? Paano nila naisip na iugnay ito rito? Malinaw at hayagang sasabihin ng Diyos sa mga tao ang gusto Niyang malaman ng mga tao. Hindi mauunawaan ng mga tao ang isang bagay na ayaw ng Diyos na malaman nila, gaano man sila magsaliksik; imposibleng malaman ng sangkatauhan ang mga gayong bagay. Sinasabi ng mga taong ito na alam nila, at na may mga resulta ang pagsasaliksik nila. Nagbibigay pa nga sila ng eksaktong oras. Hindi ba’t pagsasalita ito ng walang katuturan? Ito ay paglilihis sa mga tao, panggugulo sa isipan nila, at paninira sa paningin nila. Nagmumula ito kay Satanas at tiyak na hindi ito kaliwanagan mula sa Diyos. Hindi Niya bibigyang-liwanag ang mga tao tungkol sa bagay na ito. Walang silbi na malaman ito ng mga tao. Tiyak na hindi kailanman hahayaan ng Diyos na aksidenteng malaman ng mga tao ang anumang bagay na ayaw Niyang malaman ng mga tao. Kaya Ko sinasabing katawa-tawa ito. Kung gayon, bakit nakakainis ito? (Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para mabago ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon nila sa pamamagitan ng mga salitang ito, at para hikayatin ang mga tao na hangarin at kamtin ang katotohanan, pero ginagamit ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos para magsaliksik ng mga hantungan at mga misteryo.) Medyo nakakainis din ito, pero ano ang tunay na dahilan ng pagkainis Ko? Halimbawa, kung malaki ang kinikita ng isang mayamang magulang para sa mga anak niya, at maliliit pa ang mga anak niya at kinakailangang umasa sa magulang nila para palakihin sila, at ganap na nakasalalay sa magulang na iyon ang kabuhayan nila, hihilingin ba ng mga anak na iyon na maagang mamatay ang magulang nila? Hahanap ba sila ng manghuhula para mabilis na makalkula kung kailan mamamatay ang magulang nila? May sinuman ba na kumikilos sa ganitong paraan? (Wala.) Kung mayroon man, hindi ba’t nakakainis ito? Nakakainis nga! Kamuhi-muhi ang mga gayong tao! Ngayong pumarito na sa lupa ang Diyos, kahit pa kaya ng katawang-tao Niya na mamuhay nang higit sa isang daang taon at gumawa nang isang daang taon, limitado pa rin ang mga katotohanang kayang maunawaan ng mga tao. Isipin ninyo, mula sa pagkakatawang-tao ng Panginoong Jesus hanggang sa kasalukuyang yugto ng gawain ng Diyos, gaano karaming katotohanan ang nakamit ng sangkatauhan sa loob ng dalawang libong taong ito? Halos hindi nauunawaan ng sangkatauhan ang katotohanan. Sa yugtong ito, 30 taon nang gumagawa ang Diyos, at halos 30 taon nang nagsasalita ang Diyos. Iyong mga pinakamatagal nang nagbabasa sa mga salita ng Diyos ay 30 taon nang nagbabasa ng mga ito. Ilang katotohanan na ang naunawaan ng mga tao? Napakalimitado ng pagkaunawa nila. Mabagal ang pagpasok ng sangkatauhan sa katotohanan. Ibig sabihin, napakahirap at napakabagal ng pagkintal ng katotohanan sa mga tao at gawin itong buhay nila. Subalit, kahit na ganoon ito kabagal, may mga tao pa rin na umaasa, “Kailan lilisanin ng diyos ang lupa? Kailan matatapos ang gawain ng diyos?” Makikinabang ba sila sa pag-alis ng Diyos sa lupa at sa pagtatapos ng Kanyang gawain? Sa araw na umalis ang Diyos sa lupa, mamamatay sila. Masesentensiyahan sila ng kamatayan. Ano ang dapat nilang ikagalak? Anong klaseng tao ito? Hindi ba’t wala silang moralidad? Tinatawag silang mga di-mabuting anak sa piling ng mga makamundong tao. Tinatawag natin silang mga hindi mananampalataya at mga anticristo, at wala silang kwenta.

Noong ipinapahayag ang nilalaman ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, maraming tao ang naniwala na “Ang diyos na nagkatawang-tao ay gumagawa lang ng gawain. Isinasakatuparan niya ang ilang hakbang ng gawain, mayroon siyang ilang paraan ng paggawa, at ilang paraan ng pagsasalita, at iyon na iyon, matatapos na ang gawain niya pagkatapos niyon. Kapag natapos na ang gawain niya, wala nang magiging silbi ang katawang-tao, at hindi na niya kakailanganing magsalita pa. Mayroon tayong makakamit, at kailangan na lang nating abangan ang araw na matatapos ang gawain ng diyos. Sa sandaling magawa na nating matalakay at maipangaral ang mga salitang ito ng diyos, magkakaroon tayo ng hantungan at tatanggap ng malalaking pagpapala.” Nagkimkim ng ganitong saloobin ang ilang tao. Pagkatapos, nagbahagi Ako ng mas maraming salita, partikular na ang mga salita ng Ukol sa Pagkakilala sa Diyos, pati na ang mga salitang ibinabahagi Ko sa panahong ito. Nang makita ito ng ilang tao, naisip nila, “Hindi ba’t nakapaloob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ang lahat ng salita ng diyos? Bakit ipinahayag niya ngayon ang tomo na Ukol sa Pagkakilala sa Diyos? Bakit parami nang parami ang mga salitang ipinapahayag ng diyos? Mula ngayon, dapat magtalakay siya ng ilang misteryo, ng ilang usapin tungkol sa langit, at kung paano lalakad ang mga tao kasama ang diyos sa langit sa hinaharap. Talagang nagpapasigla sa amin ang pag-uusap tungkol sa mga bagay na ito!” Anong uri ng mga tao ang may mga ganitong kaisipan? (Mga anticristo.) Bakit sila nagkaroon ng mga ganitong kaisipan? Dahil hindi sila interesado sa katotohanan kahit kaunti. Naisip nila, “Maraming taon na kaming sumusunod sa diyos. Alam namin kung paano gumawa ang diyos sa simula. Personal naming naranasan ang ilang hakbang ng gawain ng diyos. Personal din naming naranasan ang mga paraan ng pagsasalita ng diyos at nakita ito ng sarili naming mga mata. Kami ang mga saksi ng diyos at ang henerasyong pinakakarapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala.” Hindi nila sinunod ang Diyos dahil nagsalita at nagpahayag Siya ng katotohanan, kundi dahil sa paunang pagtatalaga ng Diyos. Inakay sila ng Diyos na maranasan ang ilang hakbang ng gawain, at pasibo silang sumunod sa Diyos. Kalaunan, nang patuloy na umusad ang gawain ng Diyos, pumili Siya ng mas marami pang tao na kayang sumabay sa Kanyang kasalukuyang yugto ng gawain. Patuloy na lumawak at nagbago ang mga pangunahing tumatanggap ng gawain ng Diyos. Unti-unting natiwalag ang ilang taong sumusunod sa Diyos noong una dahil hindi nila hinangad ang katotohanan, dahil pinanghawakan nila ang iba’t ibang kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at dahil nagkaroon sila ng iba’t ibang uri ng pagsuway at kawalan ng kasiyahan tungkol sa Diyos. May mga dahilan na kapwa personal at obhetibo sa pagtitiwalag sa mga taong ito. Sa personal na dahilan, hindi nila hinangad ang katotohanan, at itinuring nila ang mga salita ng Diyos bilang mga doktrina at ipinangaral ang mga ito sa malayo at nang malawakan, kagaya ng mga Pariseo. Hanggang ngayon, hindi pa rin nauunawaan ng ilang tao kung ano ang mga katotohanang realidad—para silang mga patay na tao. Sa obhetibong dahilan, ang mga taong natiwalag ay mga taong personal na nakaranas sa simula ng bagong gawain ng Diyos, pero dahil sa karakter, paghahangad, at kakayahan nila, hindi sila naging kuwalipikado sa susunod at mas bagong gawain ng Diyos. Dahil dito, mabilis na itiniwalag at pinalayas ng mga hakbang ng gawain ng Diyos ang mga taong ito. Masasabi na sa loob ng ilang panahon bago ipinahayag ang mga salita ng Ukol sa Pagkakilala sa Diyos, maraming tao ang lihim na nagagalak sa kaibuturan ng puso nila, sinasabi nila: “Sa wakas, wala nang masasabi ang taong kinontra at kinondena ko. Natapos na rin sa wakas ang mga hakbang ng gawain niya. Noon, may mga kuru-kuro ako tungkol sa kanya. Sinuway ko siya at hindi ako nasiyahan sa kanya, at kinondena at kinontra ko rin siya. Tama nga ako. Hindi siya diyos; hindi siya si cristo. Hindi mahalaga kung paano ko siya tratuhin dahil hindi naman siya diyos. Isa lang siyang kasangkapan ng diyos, tagapagsalita ng diyos.” Higit pa rito, sinabi pa nga ng ilan: “Hindi naiiba sa atin ang katawang-taong ito. Ang espiritu sa loob niya ang nagsasalita at gumagawa ng gawain; wala itong kinalaman sa katawang-taong ito.” Lihim na kinondena at nilapastangan ng ilang tao si Cristo sa ganitong mapangahas na paraan. Nang ipahayag ang mga katotohanan sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao Volume II: Ukol sa Pagkakilala sa Diyos, nakaramdam ng pagkabalisa sa puso nila ang mga taong ito na kumondena at lumapastangan kay Cristo. Ano ang dahilan ng pagkabalisang ito? Sa isang banda, matagal na silang may mga kuru-kuro sa puso nila, kinontra nila ang taong nagpahayag sa katotohanan. Sinuway nila ang taong ito at hindi sila nasiyahan dito, at kinondena at nilapastangan pa nga nila Siya. Sa kabilang banda, ang mga salitang ipinahayag ng Diyos pagkatapos ng 2013 ay nagsiwalat ng maraming misteryong hindi pa nalalaman ng sangkatauhan. May partikular na epekto ang mga misteryong ito na nagpapatibay sa pananalig ng mga bagong mananampalatayang wala pang matatag na pundasyon, at sa isang iglap lang, ang mga misteryong ito ay nagdulot ng katiyakan sa kanilang pusong may pagdududa. Samantalang para sa mga tao na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos subalit dating kumontra, kumondena, at lumapastangan kay Cristo, direkta silang tinamaan ng mga misteryong ito, na lalo nilang ikinabalisa. Naisip nila, “Ganap na katapusan na natin ngayon. Itiniwalag tayo ng diyos. Ayaw niya sa amin. Nagpahayag ang diyos ng napakaraming salita noon, pero palagi namin siyang itinuturing na isang tao. Inakala namin na kapag natapos na ang mga hakbang ng gawain niya, wala nang kinalaman sa kanya ang mga natirang bagay, na natapos na ng taong ito ang serbisyo niya, at na mula noon, makakasalamuha na namin ang diyos sa langit at mananampalataya kami sa diyos sa langit. May pinanghawakan kaming mga kuru-kuro tungkol sa diyos sa lupa. Sinuway at hinamak namin siya.” Sa pamamagitan ng mga salitang ipinahayag noong 2013, marami sa kapangahasan ng mga taong ito ang napawi. Bago ito, nagkaroon ng mga pagdududa ang ilang tao tungkol sa gawain ng Diyos. Nilabanan at nilapastangan nila ang katawang-tao ng Diyos, at inabandona pa nga ng ilan ang pananampalataya nila. Bakit nila ginawa ito? Dahil nagkaroon sila ng mga kuru-kuro. Bukod sa itinatwa nila ang Diyos na nagkatawang-tao at ang gawain ng Diyos, itinatwa rin nila ang pag-iral ng Diyos. Batay sa saloobin ng mga taong ito tungkol sa Diyos, ano dapat ang maging kalalabasan nila? Batay sa saloobin at pananaw nila sa Diyos, ano ang diwa nila? (Diwa ng isang hindi mananampalataya.) Ang unang pangunahing katangian ng mga hindi mananampalataya ay oportunismo. Sa sandaling mahanap nila ang sarili nilang mga interes sa salita ng Diyos, kakapit sila sa mga ito, tatangging bumitiw, at susubukan nilang makinabang mula sa mga salita Niya. Ang ikalawa ay na kaya nilang lapastanganin ang Diyos kahit kailan at kahit saan, kaya nilang bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos kahit kailan at kahit saan, at kapag hindi naaayon sa mga kuru-kuro nila ang isang maliit na bagay, nagagawa nilang hatulan, kondenahin, at kontrahin ang Diyos. Wala silang takot sa Diyos ni kaunti. Pawang may diwa ng mga anticristo ang mga taong ito; mga anticristo silang lahat. Ano ang isa pa nilang katangian? Lubos na walang pagmamahal sa katotohanan ang mga taong ito. Sila ang unang tumanggap sa mga salita ng Diyos, sila ang unang nakarinig ng mga salita ng Diyos, at sila rin ang mga personal na nakaranas sa mga hakbang at pamamaraan ng gawain ng Diyos. Tatlumpung taon nang nananampalataya sa Diyos ang mga taong ito, pero ang karamihan sa kanila ay hindi kayang gumawa ng anumang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at wala silang matalakay na mga karanasan. Saanman sila pumunta, tinatalakay lang nila iyong mga walang kabuluhang salita at doktrina. Ano ang kanilang pinakahalatang katangian? Tatlumpung taon na silang nananampalataya sa Diyos, pero hindi man lang nagbago ang disposisyon nila, at wala silang takot o pagkaunawa sa Diyos. Kaya nilang basta-bastang husgahan ang katawang-tao ng Diyos nang palihim, at gumawa pa nga ng gulo at kondenahin ang Diyos nang walang kahit katiting na pangamba o takot. Hindi nila mahal ang katotohanan, tutol sila sa katotohanan, at kinokontra nila ang katotohanan. Pagdating sa Diyos na nagkatawang-tao, nangangahas silang sabihin ang kahit ano; nangangahas silang suriin at husgahan ang lahat, at sa tuwing nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, nangangahas silang ikalat ang mga ito. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga taong ito? (Ganoon na nga.) Sila ba ay mga tao ng Diyos? Tatlumpung taon na silang nananampalataya sa Diyos, pero wala silang taglay na mga realidad, at hindi man lang nagbago ang mga disposisyon nila—hindi ba’t mga patay na tao ang mga ito? Pagkatapos manampalataya sa Diyos nang tatlong taon pa lang, hindi ba’t makakaunawa at makakapasok sa ilang katotohanan iyong mga tunay na naghahangad sa katotohanan at talagang nagtataglay ng normal na pagkatao? (Makakaunawa at makakapasok sila.) Pero may mga tao na tatlumpung taon nang nananampalataya sa Diyos na wala man lang anumang karanasan. Kung hihilingin mo sa kanila na magtalakay tungkol sa mga karanasan nila, puro doktrina, islogan, at pangangaral ng mga salita lamang ang tatalakayin nila. Kaya, anong pagsisikap ba ang ginawa nila sa mga salita ng Diyos sa nakaraang 30 taon? Ano ang nakamit nila? Malinaw na hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos. Tinatanggap nila ang mga salita ng Diyos tungkol sa pagbibigay ng mga pagpapala at pangako sa sangkatauhan, ang Kanyang mga salita na magandang pakinggan, ang Kanyang mga salita na nakapagbibigay-ginhawa at nakapanghihikayat, at mga salitang kaaya-aya sa pandinig, pero hindi nila tinatanggap ang alinman sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos o ang alinman sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. Wala silang tinatanggap ni isa. Hindi ba’t dapat itiwalag ang mga taong ito? (Dapat lang.) Masasabi ba na hindi makatarungan na itiwalag ang mga gayong tao? (Hindi.) Iyon ay dahil sinasadya nilang magkasala kahit na alam na alam nila ang katotohanan.

Nakagawa ang Diyos ng napakaraming gawain at nakapagsalita ng napakaraming salita sa mga huling araw, at naranasan ito ng mga tao, at nasaksihan ng sarili nilang mga mata ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos. Sa anumang perspektiba ito tinitingnan, hindi mapapabulaanan na nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan at nagliligtas ng napakaraming tao, at walang sinumang dapat na kumuwestiyon dito. Gaano man kaordinaryo at kanormal ang Diyos na nagkatawang-tao, gaano man Siya tila hindi kapansin-pansin para sa tao, dapat pa ring tanggapin ng mga tao ang mga salita Niya bilang ang katotohanan. Sinasabi ng ilan, “Dahil napakahamak at napakaordinaryo ng diyos na nagkatawang-tao, at hindi man lang dakila, paano kami mapapahanga sa kanya? Kaya ba ng gayong ordinaryong katawang-tao ang anumang dakilang gawain? Talaga bang makakatanggap kami ng malalaking pagpapala mula sa kanya? Hindi namin alam; ang magagawa lang namin ay tratuhin siya bilang isang ordinaryong tao.” Sinasabi ng iba, “Dahil hindi kami kumbinsido sa ilang bagay na ginawa mo, at nagdulot sa amin ng mga kuru-kuro ang ilan sa mga ito, at ang iba naman ay hindi namin maarok, at dahil may mga sinabi ka na hindi katanggap-tanggap para sa amin, hindi ka maaaring kumatawan sa diyos sa langit—kaya, dapat ka naming labanan hanggang sa pinakahuli. Kung hihilingin mo sa amin na ipalaganap ang ebanghelyo, hindi namin gagawin iyon; kung hihilingin mo sa amin na gawin ang aming tungkulin, hindi rin namin gagawin iyon; at kung hihilingin mo sa amin na tanggapin ang katotohanan, hindi namin ito tatanggapin. Lalabanan ka namin hanggang sa pinakahuli—tingnan natin kung ano ang magagawa mo sa amin.” Sa puso ng mga taong ito na hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, mayroong libo—sampung libong—mga dahilan para itatwa ang gawain ng Diyos, para itatwa na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at para itatwa ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Ngunit may isang bagay na maaaring hindi masyadong malinaw sa kanila: Gaano man karami ang dahilan nila, kung hindi nila tinatanggap ang mga katotohanang ito, hindi sila maliligtas. Kung hindi mo tinatanggap ang Aking persona o kung hindi ka nagpapasakop sa gawain ng Diyos, ayos lang iyon—hindi kita pipilitin. Pero kung hindi mo kikilalanin ang mga salitang ito ng Diyos bilang ang katotohanan at kung hindi mo isasagawa ang mga ito bilang ang katotohanan, sasabihin Ko sa iyo ito nang may buong katapatan: Hinding-hindi ka maliligtas, at hindi ka kailanman makakapasok sa pintuan ng kaharian ng langit. Kung iiwasan mo ang mga salitang ito ng Diyos, ang mga katotohanang ito, at si Cristo na gumagawa at nagliligtas sa sangkatauhan, kung gayon, gaano man karaming doktrina ang nauunawaan mo, o gaano man katindi ang paghihirap na tinitiis mo, hindi mo makakamit ang katotohanan; isa ka lang basura. Ano man ang dahilan mo sa pananampalataya sa Diyos, at ano man ang layon mo sa paggawa ng iyong tungkulin, hindi ka maliligtas. At kung hindi ka maliligtas, anong mga pagpapala ang matatanggap mo? May ilang tao na nakikipagtunggali sa Diyos sa langit, at ang iba naman ay sa Diyos sa lupa, at nangangahas silang kuwestiyunin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, hanggang sa puntong wala na nga silang pakialam kung ano ang magiging kalalabasan at hantungan nila. Hindi ba’t ubod ng sama ito? Napakabuktot ng mga mababang-uri na ito! Ang bawat isa sa kanila ay masamang tao. Silang lahat ay mga hindi mananampalataya, oportunista, mga taong walang kahihiyan, at ito ang diwa ng mga anticristo.

Kakabahagi Ko lang tungkol sa saloobin ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Kapag hinaharap ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan o ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa loob ng mga ito. Hindi nila hinahangad na maunawaan mula sa mga salita ng Diyos kung paano makamit ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at lalong hindi nila hinahangad na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, para pwede silang maging isang tao na tumutugon sa mga layunin Niya. Sa halip, gusto nilang mahanap sa mga salita ng Diyos ang kanilang ninanais na hantungan, pati na rin ang iba’t ibang pakinabang na nais nila, pati na kung makakatanggap ba sila ng mga pagpapala at kung paano sila makakatanggap ng mas maraming biyaya sa buhay na ito, at kung makakatanggap ba sila nang higit na mas marami sa darating na mundo, at iba pa. Ito ang mga bagay na hinahanap nila sa mga salita ng Diyos. Samakatwid, kahit sa anong perspektiba mo man ito tingnan, hindi kailanman itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni iniisip na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at dapat tanggapin ng sangkatauhan. Ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay na nais nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para makuha ang ninanais nilang mga pagpapala at hantungan. Nais nilang gamitin ang mga salita ng Diyos bilang pambuwelo para makamit ang mga bagay na hinahangad nila at matamo ang mga layon nila. Batay sa paghahangad nila, sa landas na tinatahak nila, at sa saloobin nila sa mga salita ng Diyos, isang grupo ng mga hindi mananampalataya ang mga taong ito, isang grupo ng mga oportunista. Kapag hindi mahanap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ang ninanais nilang mga pakinabang at hantungan, o kapag, sa proseso ng pag-aaral sa mga salita ng Diyos, nadidismaya sila sa mga salita ng Diyos tungkol sa mga kinabukasan at kapalaran, o sa mga pangako ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi matugunan ang mga pagnanais nila, walang habas at walang pag-aalinlangang isinasantabi nila ang mga salita ng Diyos na hawak nila, tinatalikuran at inaabandona nila ang Diyos, at hinahangad nila ang buhay na nais nila. Hindi sila lumalapit sa Diyos para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila itinuturing ang mga ito bilang ang katotohanan, sa halip, nais nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para makamit ang kanilang mga personal na layon at matugunan ang kanilang mga personal na pagnanais at ambisyon. Dahil dito, walang pagod nilang hinahanap ang mga salita ng Diyos para sa kalalabasan at hantungan nila. Hinahanap nila kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga sakuna, ang Kanyang mga pagsisiwalat tungkol sa mga misteryo, ang Kanyang mga pagsisiwalat tungkol sa pag-unlad ng sangkatauhan, at ang ilang lingid-sa-kaalaman na impormasyon tungkol sa gawain Niya. Ito ang nilalaman na mahalaga sa kanila. Hindi sila interesado sa kahit anong bagay na labas sa saklaw na ito. Madalas pa nga nilang hinahamak at nilalabanan ang ilang hinihingi ng Diyos sa tiwaling sangkatauhan. Nakakaramdam pa nga sila ng pagtutol sa paglalantad ng Diyos sa tiwaling sangkatauhan. Madalas silang nakakahanap ng kamalian sa paggamit ng salita at sa tono ng pananalita sa mga salita ng Diyos, at sinusubukan nilang makahanap ng pwede nilang gamitin laban sa Diyos. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos ang sangkatauhan bilang “mga puta” at “mga bayaran,” sinasabi nila: “Paanong matatawag na mga salita ng diyos ang mga ito? Hindi magsasalita ang diyos sa ganitong paraan! Dapat magsalita ang diyos sa pino, malumanay, at mapagsaalang-alang na paraan.” Pagdating sa ilang salita ng Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi naaayon sa gramatika ng tao, at hindi naaayon sa nakasanayang pangangatwiran ng mga tiwaling tao, iniisip nila, “Hindi mga salita ng diyos ang mga ito; hindi magsasalita ang diyos sa ganitong paraan! Ang diyos ay napakataas, dakila, at hindi maarok, kaya paanong magiging napakaordinaryo ng mga salita niya? Paanong lubos na hindi naaayon ang mga ito sa nakasanayang pangangatwiran? Kung ang katotohanan ang mga salita ng diyos, dapat ipahayag ang mga ito sa paraang pahahalagahan, sasambahin, at hahangaan ng lahat. Dapat hindi maarok ang lahat ng ito—ganoon dapat ang mga salita ng diyos!” Pagdating sa mga salita ng Diyos, mayroon silang iba’t ibang kuru-kuro, iba’t ibang limitasyon, at iba’t ibang hinihingi pa nga. Batay sa mga hinihingi at limitasyon nila, makikita na ang diwa ng mga anticristo ay ang diwa ni Satanas. Ang saloobin nila sa Diyos at sa mga salita ng Diyos ay ang magsaliksik, lumaban, manghusga, maghanap ng isang bagay na pwedeng gamitin laban sa Diyos, at maghanap ng kamalian. Wala silang ginugugol na anumang pagsisikap sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, hindi rin sila nagpapasakop dito, ni hindi nila tinatanggap, o isinasagawa ito. Samakatwid, ang diwa ng mga anticristo ay ang diwa ni Satanas at ng masasamang espiritu. Kung paano tratuhin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos ay ganoon din ang pagtrato nila sa Diyos. Kinakatawan ng mga salita ng Diyos ang Diyos Mismo. Ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay kumakatawan sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at higit pa rito, kumakatawan ito sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Ang mga salitang ito ay ipinapahayag man ng katawang-tao ng Diyos o ng Espiritu ng Diyos, at anuman ang nilalaman na ipinapahayag Niya, walang duda na kumakatawan ang mga salitang ito sa Diyos. Samakatwid, ang pagsasaliksik at pagsusuri ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at ang pagkakaroon nila ng mga kuru-kuro tungkol sa mga ito ay katumbas ng pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Sinisiyasat nila ang Diyos. Dahil hindi sila naniniwala sa mga salita ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos, hindi rin sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at tiyak na hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at hindi nila kayang magpasakop sa Diyos. Ito ang diwa ng mga anticristo.

Sinasabi ng ilan: “Ang diyos na nagkatawang-tao ay masyadong hamak at ordinaryo. Madalas na nagkakaroon ako ng mga kuru-kuro dahil sa kanyang mga salita at kilos, at ni hindi naaayon ang mga ito sa mga imahinasyon ko. Nakikita ko na isang ordinaryong tao lamang ang diyos na nagkatawang-tao. Hindi siya kumakatawan sa diyos, kaya gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag niya sa kanyang mga salita at gawain, hindi siya katulad ng diyos.” Saan nagmumula ang mga salitang ito? Ano ang kinakatawan ng mga ito? Hindi ba’t kumakatawan ang mga ito kay Satanas? Sa simula hanggang sa katapusan, hindi kailanman kinilala ni Satanas ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Hindi nito kailanman pinaniwalaan na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at tiyak na hindi nito kailanman tinanggap ang mga salita ng Diyos. Kaya naman, kapag nakikipag-usap sa Diyos si Satanas, nais nitong kausapin ang Diyos nang parang kapantay nito ang Diyos. Ang paraan ng pagsasalita nito ay para tuyain at kutyain ang Diyos, para lansihin ang Diyos, at walang puwang ang Diyos sa puso nito. At eksaktong kapareho ng kay Satanas ang mga ginagawa at sinasabi ng mga anticristo. Pareho ang diwa nila, maliban sa hindi nakikita ng sangkatauhan si Satanas, samantalang ang mga anticristo ay nakikita at nahahawakan; sila ay mga Satanas na nakadamit ng balat ng tao. Kung hindi sila mga Satanas, hindi nila magagawa at masasabi ang mga gayong bagay. Madalas na nagsisinungaling si Satanas, at naniniwala ito na mga kasinungalingan din ang mga salita ng Diyos. Madalas na nilalansi ni Satanas ang mga tao at ito ay baliko, mapanlinlang, at buktot, at naniniwala ito na nagsasalita ang Diyos sa parehong paraan. Ano man ang sabihin ng Diyos, palaging may idadagdag ang mga anticristo sa mga salita ng Diyos, ikinakabit ang sarili nilang pakahulugan at gumagawa ng mga di-makatwirang paliwanag. Higit pa rito, iniisip pa nga nila na ang ilang salita ng Diyos ay hindi kasingtalino ng sa kanila, hindi umaabot sa kanilang antas at matataas na pamantayan, at hindi sapat para malupig ang tiwaling sangkatauhan. Kaya, gusto nilang dalhin sa harap ng ilang tao ang mga paraan, tono, at nilalaman ng mga salita ng Diyos para suriin at husgahan ang mga ito, at higit pa rito, para punahin at kondenahin ang mga ito. Ano ang pakay nila sa paggawa nito? Habang sumusunod sa Diyos, inaasam nila na makamit ang kinabukasan at kapalaran na nais nila mula sa Diyos na ito, at hinihintay nilang makamit ang hantungang nais nila mula sa Diyos na ito. Kaya bakit kumikilos pa rin sila nang ganito? Hindi ba’t parang sinasampal lang nila ang sarili nila? Isa lang ang dahilan. Iyon ay, sa mga mata nila, masyadong karaniwan at ordinaryo ang mga salitang sinasabi ng gayong Diyos—masyado ring ordinaryo ang mga kilos Niya. Hindi ang gayong Diyos ang nais nilang igalang, o ang Siyang nasa imahinasyon nila, at hindi nila Siya kaayon. Kung susunod sila sa gayong Diyos, maaaring gumuho lahat ng kanilang hantungan, kinabukasan at kapalaran. Kaya naman, masidhi nilang sinusuway ang gayong Diyos. Hinuhusgahan nila Siya, sinisira Siya, at sinusubukan nilang isabotahe, guluhin, at sirain ang gawain Niya, para hindi na Niya magawa ito. Pagkatapos ay matutupad nila ang pakay nila. Sinasabi ng ilan: “Kung matutupad ang pakay nila, hindi ba’t mawawala ang hantungan nila?” Sadyang hindi kinikilala ng ganitong klase ng tao ang pag-iral ng Diyos, at hindi rin nila kinikilala ang katawang-tao ng Diyos, lalo na ang katunayan ng pagliligtas sa sangkatauhan ng Kanyang gawain ng pamamahala. Pumupusta at nagsusugal lang sila. Kung talagang mapapabagsak ang Diyos na ito, maaari na nilang gawin ang anumang gusto nila, at hindi na nila kakailanganin pang madusa ng mga gayong paghihirap sa sambahayan ng Diyos. Mapapanatag na silang bumalik sa mundo, sa mga buktot na kalakaran, at sa tinatawag nilang normal na buhay. Hindi na nila kakailanganing magtiis ng anumang sakuna, hindi na nila kakailanganing sumailalim sa anumang uri ng pagpipino, at lalong hindi na nila kakailanganing magtiis sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Mawawala na ang lahat ng ito, at magpapatuloy ang mundo tulad ng dati. Ito ang pinananabikan nila sa kanilang mga pangarap. Hindi ba’t masama ang mga taong ito? Ano ang ugat ng pagiging napakasama nila? (Ang diwa nila ay Satanas, kaya kinamumuhian nila ang Diyos.) Sa katunayan, sa kaibuturan ng puso ng mga anticristong demonyong ito, sa espiritu nila, nararamdaman nila ito—alam nila kung ano ang tingin ng Diyos sa mga taong katulad nila. Kinamumuhian ng Diyos ang mga taong katulad nila. Hindi sila kaayon ng Diyos. Kinasusuklaman ng Diyos ang pagkatao at kalikasan nila. Kaya, gaano man sila magsikap at gaano man nila hilinging makatanggap ng mga pagpapala, hindi nakadepende sa kagustuhan nila ang kanilang panghuling resulta. Hindi nila mababago ang alinman sa mga katunayan. Hindi sila kaayon ng Diyos. Hindi sila kaayon ng mga salita ng Diyos. Hindi sila kaayon ni Cristo. Kung gayon, ano ang magiging katapusan nila? Lahat sila ay nakatakdang mamatay. Mayroon silang kaunting pagkaunawa sa resultang ito sa puso nila, kaya bakit nananatili pa rin sila sa sambahayan ng Diyos? Sadyang hindi sila handang bitiwan ang gayong magandang pagkakataon na makatanggap ng mga pagpapala, kaya gusto nilang sumugal, “Kung susugal ako nang ganito, baka makatanggap pa rin ako ng mga pagpapala. Baka makalusot at makaligtas pa rin ako. Baka kung hindi maging maingat ang diyos at hindi magbabantay, makakalusot ako sa pintuan ng kaharian ng langit.” Sa ganitong ilusyon ng mga “baka sakali,” patuloy silang sumasabay lang sa agos sa loob ng sambahayan ng Diyos, pero hindi kailanman nagbabago ang pananaw at saloobin nila tungkol sa Diyos. Hinahamak nila ang mga salita ng Diyos, hinahamak ang katotohanan, at hinahamak ang lahat ng positibong bagay.

Hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat. Nang marinig ito ng ilan, iniisip nila: “Hindi ba’t masyadong mababa ang pamantayang ito? Ilang taon na kaming nananampalataya sa diyos, bakit niya kami sinasabihan ngayon na ‘maging matapat’? Kung ito ang salita ng diyos, dapat malalim ito, dapat higit na mas matayog ito, mas mahirap unawain, higit na mas hindi abot ng tao. Ang kailangan natin ay mas matataas na pamantayan ng mga hinihingi, hindi itong mga ordinaryo, walang kabuluhan, mababang pamantayan na mga hinihingi.” Hindi nauunawaan ng gayong mga tao kung ano ang katotohanang realidad. Kapag naririnig ng mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ang pangangaral na ito, nababagabag sila, pero sa pamamagitan ng pagbabahaginan, karanasan, at ilang panahon ng pagdaan sa panahong ito, napagtatanto nila na ang mga salitang ito mula sa Diyos ang mga kinakailangan ng mga tao. Bakit ang mga ito ang kailangan ng mga tao? Lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang tao, kaya, walang taong matapat; puno ng kasinungalingan ang mundong ito, at totoo rin ito sa mga nananampalataya sa Diyos. Araw-araw, sunod-sunod ang mga kasinungalingang sinasabi ng mga tao; punong-puno ang pananalita nila ng mga kasinungalingan at panlilinlang ni Satanas. Kaya, inilatag ng Diyos itong pinakasimple at pinakatuwirang hinihingi sa tao: maging matapat. Sa paglipas ng panahon at sa pamamagitan ng karanasan, nagkakaroon ng pagkaunawa ang mga tao sa mga salita ng Diyos, at ng pagkaarok sa mga hinihingi at mga layunin Niya; sa ilalim ng patnubay at direksiyon ng mga salita Niya, unti-unti nilang napagtatanto kung gaano kapraktikal ang mga salita Niya, kung paano dapat maunawaan at pasukin ang bawat salita Niya, kung bakit walang salita Niya ang hindi makabuluhan, na ang lahat ng salita Niya ang kinakailangan ng sangkatauhan, kung gaano naaarok ng Diyos ang mga tao nang lubusan at nakikilatis sila, at na nauunawaan Niyang mabuti ang katiwalian nila. Ito ang prosesong pinagdadaanan ng isang ordinaryong tao. Subalit kapag nakikita ng mga anticristo ang pariralang ito kung saan hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao, tinitingnan nila ito nang may saloobin ng paghamak, panunuya, pang-uuyam, at maging ng paglaban. Pagkatapos nilang magkaroon ng opinyon tungkol sa pariralang ito, binabalewala na nila ito, tumitindi ang paghamak nila sa Diyos, at mas tumitindi ang pangmamata nila sa Kanya at sa mga salita Niya, hanggang sa puntong hindi na nila pinag-aaralan ang salita Niya. Kapag nagsasalaysay ang ilang tao tungkol sa kanilang mga karanasan kung paano nila ibinunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, at kung paano sila nagsisi at nagsikap na maging matapat, umuusbong ang paglaban, pagkasuklam, at paghamak sa isipan ng mga anticristong ito. Bukod sa hindi nila tinatanggap ang sinasabi ng mga taong iyon, nakakaramdam din sila ng paglaban at pagkasuklam sa karanasan at kaalamang pinagbabahaginan ng mga kapatid, hanggang sa puntong nakakaramdam sila ng pagkamuhi at paghamak sa mga taong maraming ibinabahagi at may mas higit na kaalaman. Iniisip nila, “Mga hangal kayo. Sinasabi ng diyos sa inyo na maging matapat at basta lang ninyong ginagawa ito. Bakit ba napakamasunurin ninyo? Bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga salitang sinasabi ko? Tingnan ninyo ako—wala ni isa sa inyo ang nakakaalam kung ano ang tunay kong kalagayan, walang nakakaalam kung gaano ako kamapanlinlang at katuso. At hindi ko sasabihin sa inyo ang mga bagay na iyon; sa tingin ba ninyo ay karapat-dapat kayo na marinig ang mga iyon?” Ito ang saloobin nila tungkol sa hinihingi ng Diyos; bukod sa tumatanggi silang tanggapin ito, nilalabanan at kinokondena rin nila ito. Hindi ba’t ito ang mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya? Mga tipikal na hindi mananampalataya ang mga ito. Sa panlabas, hindi nila hayagang kinondena ang salita ng Diyos, hindi nila sinunog sa pugon ang mga aklat ng salita Niya. Sa panlabas, binabasa nila ang salita ng Diyos at nakikinig sila ng mga sermon araw-araw, at nagbabahaginan sila sa mga pagtitipon, pero sa katunayan, umusbong sa kaibuturan ng puso nila ang matinding pagkasuklam, paglaban, at pagtanggi sa salita ng Diyos. Sa madaling salita, sa mismong sandali na nakabuo sila ng mga kuru-kuro tungkol sa salita ng Diyos, tinanggihan na nila ito. May ilan na nagsasabi: “Tinanggihan na ba ng mga anticristong iyon ang salita ng Diyos bago pa Niya sinabi ang mga bagay na iyon?” Sa puntong iyon, hindi pa nila ito tinatanggihan. Bakit? Dahil marami silang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at dahil sa mga ito, pinahalagahan at hinangaan nila Siya, at itinuring Siyang isang dakilang tao. Ngunit nang ipahayag ng Diyos ang mga salita Niya, ganap na nagbago ang pananaw nila tungkol sa Kanya, at sinabi nila: “Sa katunayan, napakaordinaryo ng mga salitang sinasabi ng diyos! Napakasimple ng mga ito, napakatuwiran, at napakadaling unawain: Ako mismo ay kayang magsabi ng mga gayong salita! Hindi ba’t sinasabi ng lahat na dakila ang diyos? Kung gayon, bakit niya sasabihin sa atin na maging matapat? Kung ang diyos ay napakadakila, kung talagang kataas-taasan siya, hindi niya dapat bigyan ang mga tao ng mga napakaliit at napakababang hinihingi!” Nang mabasa nila ang salita ng Diyos, at naramdaman na mababaw ito, at na hindi ito tumutugma sa mga kuru-kuro ng mga tao, o umaayon sa maringal na imahe at pagkakakilanlan ng Diyos, nagkaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa salita ng Diyos. Sa likod ng pagkakaroon nila ng mga kuru-kurong ito, umusbong ang matinding pagkasuklam sa loob nila para sa mga salita ng Diyos, at kasunod nito, tuluyan nang gumuho ang pader na may hawak ng kanilang mga imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos. Ano ang resulta ng pagguho na ito? Mula sa kaibuturan ng kanilang puso, itinakwil at kinondena nila ang salita ng Diyos. Kaya, ano ang pumapasok sa isipan ng mga anticristo kapag ipinangangaral ng mga tao ang salita ng Diyos? Para silang mga miron, nagmamasid lang mula sa isang tabi. Kapag may naririnig silang pumupuri sa mga salita ng Diyos o nakikipagbahaginan tungkol sa karanasan sa mga salita ng Diyos, ang mga anticristong ito ay mga miron lang din, nagmamasid lang mula sa isang tabi, at hindi sila kailanman nagsasabi ng “Amen” sa kaibuturan ng kanilang puso. Minsan, kinukutya pa nga nila ang mga tao, sinasabi nila, “Ano ba ang napala mo sa pagiging matapat? Bagama’t sinusubukan mong maging matapat, hindi tiyak na ililigtas ka ng diyos, at hindi rin tiyak na pagpapalain ka. Napakakaunti lang ng mga taong makakatanggap ng mga pagpapala. Kung wala akong makukuhang anumang pagpapala, dapat wala rin ni isa sa inyo ang makakakuha!” Ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay kontra sa salita ng Diyos at sa Diyos Mismo, at dahil dito, hindi kayang tanggapin ng mga anticristo ang salita ng Diyos, at lalong hindi nila kayang magpasakop sa salita ng Diyos. Kung hindi nila tatanggapin ang salita ng Diyos at hindi sila magpapasakop dito, may makukuha ba silang karanasan dito? Wala, kung gayon, ano ang personal na kaalamang sinasabi nila? Lahat ito ay imahinasyon, hinuha, doktrina, o teorya lamang, o kung minsan pa nga ay magagandang-pakinggan na salita na ginagaya nila mula sa ibang tao, at dahil dito, imposibleng magkaroon sila ng anumang karanasan o kaalaman sa mga salita ng Diyos. Kaya, dahil sa iba’t ibang saloobin na kinikimkim ng mga anticristo tungkol sa Diyos at sa salita Niya, at dahil sa kanilang kalikasang diwa, kahit na 10 taon, 20 taon na silang nananampalataya sa Diyos, o mas matagal pa, hanggang sa araw na ito, hinding-hindi mo maririnig sa kanila o makikita sa kanila ang anumang karanasan sa salita ng Diyos, at lalong hindi mo makikita ang katiting na kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi mo maririnig sa pananalita nila ang tungkol sa pagkakaroon nila ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at pagkakaroon ng kaliwanagan sa pamamagitan ng paglalantad ng Diyos, at pagdating sa punto sa huli kung saan wala na silang maling pagkaunawa sa Diyos o na hindi na sila nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Wala silang ganitong karanasan, at wala rin silang ganitong kaalaman. Ito ang dahilan kung bakit hindi makamit ng mga anticristo ang katotohanan o kung bakit wala silang anumang masabing personal na karanasan o kaalaman, gaano man sila magsikap sa pag-aaral ng salita ng Diyos. Gumagaya lang sila sa pagbabasa at pagsasaulo ng ilang sikat na sipi mula sa salita ng Diyos na madalas na sinisipi ng mga kapatid; iniraraos lang nila ang mga gawain at sumasabay lang sila sa agos, at pagkatapos, patuloy silang nag-iisip sa paraang katulad pa rin ng dati. Hindi nila nilulutas ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nabubuo sa loob nila, o ang mga alitan at problemang lumilitaw sa pagitan nila at ng Diyos, gaano man kalaki ang mga ito. Palagi silang sinusundan ng mga kuru-kuro at problemang ito. Ano ang mga kahihinatnan ng hindi nila paglutas sa mga problemang ito? Palalim nang palalim ang sama ng loob sa puso nila, at palaki nang palaki ang pagkamuhi nila sa Diyos. Kung magpapatuloy sila sa ganitong paraan, ano ang magiging mga kahihinatnan habang tumatagal ang pananampalataya nila sa Diyos? Mahihimok ba sila ng mga naipong sama ng loob at mga kuru-kurong ito na bitiwan ang kinabukasan, kapalaran at intensiyon nila na magkamit ng mga pagpapala? (Hindi.) Kung hindi malulutas ang mga problemang ito, ano ang magiging huling resulta? (Sasabog sila.) Medyo prangka ang salitang “sasabog.” Paano sila sasabog? Ilan ang paraan? (Naaalala ko ang mga salita ng Diyos na nabasa ko dati, “Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao).) Ano ang pinagmulan ng pagiging mamamatay-tao nila? Kapag nabigo ang pagnanais nila na makakuha ng mga pagpapala, hindi na sila nagpapanggap, at sinasabi nila, “Hindi ito magiging madali sa sinuman sa atin, kaya hindi ko na kailangang ilihim o itago ito—nananampalataya ako sa diyos para lang makakuha ng mga pagpapala. Kung nalaman ko lang na hindi ako makakakuha ng mga pagpapala, matagal na sana akong umalis!” Sinasabi nila ang lahat ng salitang nasa puso nila at hindi sila natatakot na makondena. Bakit hindi sila natatakot sa pagkondena? Bakit nagagawa nilang iwaksi ang lahat ng pagpapanggap ng pagiging magalang at sumabog na lang? Dahil ayaw na nilang manampalataya at nais na nilang umalis. Maraming taon na nilang tiniis ang kahihiyan at paghihirap alang-alang sa mga layon nila, at nagsasagawa sila ayon sa mga estratehiyang ito at ginagamit nila ang mga estratehiyang ito bilang kanilang espirituwal na suporta. Ngayon, kapag nakikita nila na wala nang pag-asang makakuha sila ng mga pagpapala, pakiramdam nila ay mas mabuti pang iwaksi na lang ang lahat ng pagpapanggap ng pagiging magalang at hayagang sabihin na, “Isa lang akong hindi mananampalataya. Ayaw ko sa mga positibong bagay. Gusto kong hangarin ang mga makamundong bagay at gusto ko ang mga buktot na kalakaran. Sinasabi nila na ang mga salita ng diyos ang katotohanan at na kayang baguhin at iligtas ng mga salita ng diyos ang mga tao. Bakit hindi ko pa nakita iyon? Bakit hindi ko ito maranasan o maramdaman? Ano ang nabago ng salita ng diyos sa mga tao? Sa tingin ko, walang kwenta ang mga salita ng diyos. Isang bagay lang ang may mga pinakakongkretong pakinabang, at iyon ay na pagpapalain at makakapasok sa kaharian ng langit ang mga sumusunod sa diyos. Totoo ang mga salitang ito. Hindi ako mananampalataya sa diyos kung hindi para sa pagkamit ng mga pagpapala! Nasaan ang diyos? Kung kayang iligtas ng diyos ang mga tao, bakit siya ipinako sa krus? Ni hindi niya mailigtas ang sarili niya!” Sinasabi nila kung ano talaga ang iniisip nila—hindi ba’t nabubunyag dito ang malademonyong katangian nila? Sumasabog na mula sa kanila ang mga kuru-kuro at sama ng loob na naipon sa loob ng maraming taon. Sa wakas, ipinapakita na ng mga anticristo ang totoo nilang kulay.

May ilang anticristo na madalas nagsasabi ng mga bagay na tulad ng: “Tinalikuran ko ang pamilya at propesyon ko, nagsikap ako nang husto, at labis na nagdusa sa aking pananampalataya sa diyos, at ano ba ang napala ko rito? Hindi ba’t ang diyos ay isang diyos na nagbibigay ng mga pagpapala sa mga tao? Hindi ba’t ang diyos ay isang diyos na nagbibigay ng mga biyaya sa mga tao? Kaya, ano ba ang napala ko?” Tinustusan ng Diyos ng napakaraming katotohanan ang tao, at napakarami Niyang ibinigay nang walang hinihinging kapalit; bagama’t lubos na kumokontra at naghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos, hindi Niya ito tinatandaan, at pumaparito pa rin Siya para iligtas ang tao. Hindi nakikita ng mga anticristo kung gaano karami ang nakuha ng tao mula sa Diyos. Ano ba talaga ang ibig nilang sabihin kapag sinasabi nila, “Ano ang napala ko?” (Mga pagpapala.) Gusto ng mga anticristo ang lahat. Kaya nilang isuko ang lahat para manampalataya at sumunod sa Diyos, at iniisip nila na, sa paggawa nito, magkakaroon sila ng pagkakataon na magtagumpay, at magiging sulit ang lahat ng ginawa nila. Isinusuko nila ang mundo at ang kinabukasan nila, at sa hinaharap, nais nilang mapasakanila ang buong mundo. Ang nais nila bilang kapalit ay dapat mas mahalaga kaysa sa mga bagay na isinuko nila. Dapat mas mahalaga ito kaysa sa mga bagay na iyon at dapat makapagbibigay ito sa kanila ng mas malalaking pakinabang; saka lamang sila makikipagpalitan. Sa tingin ba ninyo ay sinasabi ng mga anticristo ang mga salitang ito sa sandali na galit sila habang sumasabog sila? (Hindi.) Tiyak na matagal nilang kinikimkim ang mga salitang ito bago tuluyang sumabog ang mga ito. Pagkatapos nito, nalantad na ang lahat ng iniisip at hinahangad ng mga anticristo sa mga nakalipas na taon, at natanggal na ang kanilang mga maskara. Ano ang pangunahing punto ng sinasabi nila? “Nanampalataya ako sa diyos at sinunod ko siya sa loob ng maraming taon, at ano ang napala ko?” Hindi ang katotohanan ang nais nilang makamit. Ayaw nila sa katotohanan. Ayaw nila ng buhay, ayaw nila ng pagbabago sa disposisyon, ayaw nila sa pagliligtas ng Diyos. Iniisip nilang sila ay mga perpektong tao at ayaw nilang makamit ang mga bagay na ito. Nais nilang magkamit ng dagdag na bagay, ng ilang mas malaking pagpapala kaysa sa mga maaaring makuha sa mundong ito. Ibig sabihin, gusto nilang ipagpalit ang mga bagay sa mundo na isinuko nila para sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos. Nais nilang matanggap ang pinakamalaking pagpapala mula sa Diyos. Kapag nakikita nilang hindi nila makakamit ang mga pagnanais nila, at wala na talagang pag-asa, dapat na silang sumuko. Pero kapag dumating na ang oras na gawin iyon, kung isasaalang-alang ang disposisyon nila, magagawa ba nilang tumigil doon? Hindi. May mga pamilya kung saan lahat ay mananampalataya, pero may lumilitaw na mga anticristo sa kanila. Kapag nakita ng mga anticristong ito na hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala, sinisimulan nilang guluhin ang mga pamilya nila para pigilan ang mga ito na manampalataya. Pamilya pa ba ang mga ito? Magkalapit na pamilya sila pagdating sa panlabas na pisikal na anyo o ugnayan sa dugo. Pero kung titingnan natin ang landas na sinusunod ng bawat miyembro, bagama’t lahat sila ay mahigit 10 taon nang nananampalataya sa Diyos, nabubunyag ang ilan bilang mga anticristo, ang ilan naman ay naghahangad sa katotohanan at ginagawa nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin, at ang iba ay katamtaman lang na naghahangad sa katotohanan—kaya, nabubunyag ang kanilang kalikasang diwa. Siyempre, ang pinakamasama sa kanila ay ang mga anticristo, na dapat itakwil ng tao at patalsikin ng sambahayan ng Diyos. Kung gayon, pamilya ba ang mga ito? Ganito ba ang tunay na mga pamilya? Ni hindi sila parehong uri ng mga tao! Ang ilang tao ay nakapamuhay kasama ang mga diyablo sa loob ng maraming taon at itinuturing pa rin nila bilang kapamilya ang mga diyablong ito. Hindi nila kayang talikuran ang mga ito at hangal pa ngang pinaniniwalaan na ang mga ito ay mga mahal nila sa buhay. Anong klaseng mga mahal sa buhay ang mga ito? Pagkatapos ipakita ng mga anticristo ang sarili nila, nakikisangkot sila sa lahat ng klase ng kasamaan. Maaari pa ngang usigin nila ang mga tunay na mananampalataya sa pamilya nila. Ang mas masahol pa, maaari pa ngang isuko nila ang mga kapamilya nila sa mga buktot na gobyerno. Ipinagkakanulo ng ilang magulang ang mga anak nila, at ipinagkakanulo ng ilang anak ang mga magulang nila. Gaano man sila kalapit o kamagiliw sa isa’t isa, walang hindi gagawin ang mga anticristo. Dahil kayang ipagkanulo at usigin ng mga anticristo ang mga tunay na mananampalataya sa pamilya nila, hindi ba’t ibig sabihin nito ay mga kalaban sila? (Oo.) Ang paglitaw ng isa o dalawang anticristo sa iglesia ay nangangahulugan ng panganib para sa mga kapatid. Sa sandaling makita ng mga anticristo na hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala, susuko na sila, hindi na sila mag-iingat, hindi na magtitimpi, at sisimulan nilang isipin na guluhin ang ibang mga kapatid. Ang ilang kapatid ay mahina, may maliit na tayog, at hindi nakakaunawa sa katotohanan. Ipinapakita ng mga anticristo sa mga kapatid na ito ang ilang tsismis sa internet, at pagkatapos ay sinususugan nila ang mga ito gamit ang kanilang mga eksaheradong paliwanag, sa gayon ay nagugulo at nalilihis nila ang mga kapatid na iyon, at sa huli ay nasisira nila ang mga ito. Siyempre, may pagkilatis naman ang ilang kapatid at agad nilang natutukoy ang mga anticristo. Kung lantaran nilang haharapin ang mga anticristo, magdudulot ito ng problema, kaya sapat na kung makakahanap sila ng matalinong paraan para ihiwalay ang mga ito para hindi makagulo o makapandamay ng iba ang mga ito. Dapat maging matalino ang mga tao kapag pinapangasiwaan ang mga Satanas.

Nananampalataya at sumusunod sa Diyos ang mga anticristo alang-alang sa kinabukasan at kapalaran nila. Kumakapit sila sa pagnanais nila para sa mga pagpapala at binibitbit nila ang kanilang mga ambisyon kapag pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos, at binabasa, tinatanggap, at ipinangangaral nila ang salita ng Diyos. Nakikipagkompromiso sila, nagtitiis ng kahihiyan, at nagtitiis ng iba’t ibang uri ng paghihirap sa sambahayan ng Diyos alang-alang sa kinabukasan at kapalaran nila. At pagkatapos ng maraming taon ng paghihintay at panonood, kapag nabigo ang kanilang mga pag-asa, aalis din sila sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos dahil sa kinabukasan at kapalaran nila, dahil hindi matutupad ang pagnanais at layon nila na magkamit ng mga pagpapala. Ano ang kalalabasan ng mga gayong tao? Ititiwalag sila. At bakit sila ititiwalag? Pinagpapasyahan ba ng Diyos na huwag silang iligtas mula sa sandaling pumasok sila sa sambahayan Niya, o dahil may sarili silang mga problema? (May sarili silang mga problema.) Kapag pumapasok ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos, sila ay nagiging parang mga damo na sumasama sa trigo. Sinasabi ng ilang tao, “Pero hindi ba ito alam ng Diyos?” Alam ng Diyos ang tungkol dito; sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng ito. Hindi magbabago ang mga ganitong tao. Kahit nabasa na nila ang lahat ng salita ng Diyos, kahit nabasa na nila ang mga misteryo, ang hantungan ng tao, at ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng tao na naibunyag ng Diyos, at ang iba pang mga salita, wala itong silbi, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Ang mga salitang sinasabi ng Diyos ay nakatuon sa buong sangkatauhan. Ang mga ito ay hindi itinatago sa sinuman, at ibinibigay ang mga ito nang pantay-pantay sa lahat. Maaaring basahin at pakinggan ng lahat ang mga salita ng Diyos, pero sa huli, hindi kailanman makakamit ng mga anticristo ang mga ito, sapagkat sila ay mga anticristo, diyablo, at Satanas. Hindi nagbago si Satanas matapos ang napakaraming taon sa tabi ng Diyos, kaya, hindi ba’t ganoon din ang mangyayari sa mga anticristo? Kahit araw-araw mong ipabasa sa kanila ang salita ng Diyos, hindi nila ito makakamit, sapagkat mga anticristo sila, at mayroon silang diwa ng isang anticristo. Hindi posibleng mahimok ang mga anticristo na isuko ang kanilang sariling mga interes o ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Para itong paghihintay na maging puti ang uwak. Imposible ito. Gusto ng mga anticristo na makakita ng mga agarang pakinabang, at gusto rin nilang makakita ng mga panghabang-buhay na pakinabang sa hinaharap. Kung hindi nila makakamit o matutugunan ang isa sa mga bagay na ito, agad silang magiging mapanlaban, at maaaring umalis sila anumang oras. Sinusuri ng mga anticristo ang mga nakatagong kahulugan sa likod ng mga salita ng Diyos, pinakikinggan nila ang tono at pagkakabigkas ng mga ito, sinusubukan nilang hulaan ang kahulugan at layon ng mga salita Niya, para masukat nila ang iba’t ibang pakinabang na kanilang pinahahalagahan at nais na makuha. Posible bang maunawaan nila ang katotohanan kapag tinatrato nila ang salita ng Diyos nang may ganitong saloobin? (Hindi.) Kung gayon, ano’t anuman, ang mga anticristo ay kontra sa Diyos at mga mortal na kaaway ng Diyos at ng Kanyang salita. Sinasabi ng ilang tao: “Talagang mabuti noon si ganito. Bakit ganito na siya kumikilos ngayon? Matapos maibahagi sa kanya ang mga salita ng Diyos, sinabi niya na naunawaan niya ito at nangako siyang magsikap na gawin ang kanyang mga tungkulin, kaya bakit hindi niya kayang magbago?” Sasabihin Ko sa iyo ang totoo. Hindi lang sa hindi niya kayang magbago ngayon—hindi rin niya magagawang magbago sa hinaharap. Bakit ganito? Dahil wala siyang intensiyon na magbago. Isipin mo: Kung hindi makakahanap ang isang lobo ng makakaing tupa, kapag gutom na gutom na ito, minsan ay kakain na lang ito ng ilang bungkos ng damo at iinom ng tubig para maibsan ang gutom nito. Pero ibig bang sabihin nito ay nagbago na ang kalikasan ng lobo? (Hindi.) Kung gayon, kapag hindi gumagawa ng anumang kasamaan ang mga anticristo at pansamantala silang nagpapakita ng ilang mabuting pag-uugali, hindi ibig sabihin nito na nagbago na sila o na tinanggap na nila ang katotohanan. Sa sandaling lubha silang mapungusan sa paraan na nakakaapekto sa kapangyarihan at katayuan nila, at makita nila na wala silang pag-asa—na tiyak na matitiwalag sila—agad silang magiging negatibo, at bibitiwan nila ang kanilang gawain, at lilitaw ang orihinal at tunay nilang kulay. Sino ang makapagbabago sa mga ganitong tao? Walang plano ang Diyos na iligtas sila, ginagamit lang Niya ang mga katunayan para ibunyag at itiwalag sila. Kaya, dapat makilatis at itakwil ng lahat ang mga lingkod na ito ni Satanas.

Ang pagkilatis sa mga anticristo ay katulad ng pagkilatis sa masasamang tao at kay Satanas, at ang paghihimay sa mga anticristo ay katulad ng paghihimay sa hindi nakikitang Satanas at mga diyablo. Ang mga anticristong hinihimay natin ngayon ay nakikita ng tao. Makikita mo ang ginagawa nila at maririnig mo ang sinasabi nila; makikita mo ang lahat ng pagpapamalas nila at malalaman mo ang mga layunin nila. Hindi mo makikita o mahahawakan si Satanas o ang mga diyablo sa espirituwal na mundo, kaya mananatili lang silang isang konsepto at titulo para sa iyo. Pero naiiba ang mga anticristo na hinihimay natin ngayon. Ang mga ito ay mga buhay na diyablo at Satanas. Sila ay mga diyablo at Satanas na nahahawakan, may laman at dugo. Kinokontra at itinatakwil ng mga diyablo at Satanas na ito ang Diyos sa espirituwal na mundo, at tutol sila sa bawat salitang sinasabi ng Diyos. Kapag pumupunta sila sa iglesia, ginagawa pa rin nila ang mga bagay na ito. Kinokontra, tinututulan, at itinatakwil pa rin nila ang mga salita ng Diyos katulad ng dati. Kadalasan, hinahamak pa nga nila ang mga salita ng Diyos. Hangga’t nagmumula ito sa bibig ng Diyos, nagdudulot ng maraming katanungan sa puso nila ang kahit napakaliit na bagay. Sasaliksikin, susuriin, at ipoproseso nila ito gamit ang isipan nila. Samakatwid, para sa mga anticristo, hindi ang mga salita ng Diyos ang layon ng pananampalataya nila. Hindi sila kailanman mananampalataya sa mga salita ng Diyos. Kahit gaano pa kapraktikal, katotoo, o katapat ang mga salita ng Diyos, hindi sila maniniwala sa mga ito. Kaya, batay sa mga puntong ito, hindi ba’t mga kaaway ng Diyos ang mga anticristo? Hindi ba’t napopoot sa katotohanan ang kalikasan nila? Ang mga ganitong uri ng tao ay ipinanganak na mga kaaway ng Diyos, sila ay ipinanganak na tutol sa katotohanan. Hindi nila kailanman ituturing o panghahawakan ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Dahil sa diwa nila, sa iba’t ibang pagpapamalas nila sa Diyos, at sa iba’t ibang saloobin nila sa mga salita ng Diyos, sa huli ay kinokondena ng mga salita ng Diyos at itinataboy ng Diyos ang mga ganitong uri ng tao. Kaya, makakamit ba nila ang pinakamalaking pakinabang na hinahangad nila—ang kinabukasan at kapalaran nila? Hinding-hindi. Samakatwid, kanino ba sinasabi ng Diyos ang mga pangako at pagpapala na ibibigay Niya sa sangkatauhan, at ang hantungan na inihanda Niya para sa sangkatauhan? Mayroon bang anumang parte ang mga anticristo sa mga bagay na ito? (Wala.) Ang kahanga-hangang hantungan na sinabi at ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan ay ibinibigay sa mga nilalayong iligtas ng Diyos, sa mga taong nananampalataya sa mga salita ng Diyos at tumatanggap sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Hindi ito ibinibigay sa mga anticristong kumokontra sa Diyos at tumatrato sa mga salita ng Diyos bilang mga kasinungalingan ng isang manloloko.

Abril 11, 2020

Talababa:

a. Ang orihinal na teksto ay hindi naglalaman ng pariralang “naniniwala sila na.”

Sinundan: Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalimang Bahagi)

Sumunod: Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikapitong Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito