Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao
Karagdagang Babasahin: Ang Kuwento nina Dabao at Xiaobao
Bago natin pormal na simulan ang ating pagbabahaginan sa araw na ito, hayaan muna ninyong magsimula Ako sa isang kuwento. Nasisiyahan ba kayong lahat na makinig sa mga kuwento? (Oo.) Ngayon, may prinsipyo ba sa pakikinig sa mga kuwento? Sa mga kuwentong isinasalaysay, dapat magawa mong maarok ang isang aspekto ng katotohanan, maunawaan ang isang aspekto ng mga layunin ng Diyos, matukoy ang isang aspekto ng kalikasang diwa ng tao, o matuklasan sa kuwento ang katotohanang realidad na dapat isagawa at pasukin ng mga tao. Ito ang kahulugan ng pagsasalaysay ng mga kuwento; hindi ito walang katuturang pagdadaldal, at tiyak na hindi ito tsismis. May ilang tao na, kapag nakikinig sa mga kuwento, ay naaarok lang ang mga pangyayari—anong uri sila ng tao? (Mga taong mahina ang kakayahan.) Ang ibig sabihin ng mahinang kakayahan ay hindi sila nag-iisip; pangunahin, wala silang espirituwal na pang-unawa. Anumang kuwento ang pinakikinggan nila, natatandaan lang nila ang mga pangyayari o nauunawaan ang ilang patakaran mula sa kuwento. Ngunit pagdating sa iba’t ibang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao mula sa kuwento, hindi nila naaarok, nauunawaan, o naiintindihan ang mga iyon. Hindi ba’t ang pag-uugaling ito ay nagpapahiwatig ng pinakamababang espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Sa inyo, mayroon na bang nagpakita ng ganitong uri ng pag-uugali pagkatapos makinig sa isang kuwento? Pagkatapos itong marinig, wala silang masyadong naunawaan, pakiramdam nila ay walang kabuluhan ang kuwento, at hindi mahalaga kung naikuwento man ito o hindi. May kakayahan bang makaarok ang ganoong mga tao? Kapag nakikinig kayo sa isang kuwento, makakakuha ba kayo ng kaunting pakinabang mula sa mga pangyayaring nakapaloob dito? Kaya man ninyong unawain ang katotohanan mula rito, dapat ninyong maunawaan ang kasasabi Ko lang na prinsipyo tungkol sa pakikinig sa mga kuwento. Ngayon, simulan na natin ang kuwento.
May isang batang lalaking nagngangalang Xiaobao. Kamakailan, may isang partikular na lalaking nagpunta sa bahay niya, at ang lalaking ito ay madalas lumabas upang magpalaganap ng ebanghelyo kasama ang mga magulang ni Xiaobao. Isang araw, umalis ang mga magulang ni Xiaobao upang mag-asikaso ng ilang gawain, iniwan lang ang lalaki at si Xiaobao sa tahanan. Ang susunod na nangyari ay isang interesanteng kuwento. Dahil hindi masyadong kilala ni Xiaobao ang lalaki, nagpasya ang lalaking iyon na lumapit at makipagkaibigan kay Xiaobao habang naglalaro siya. Sinabi nito kay Xiaobao na kilala siya nito at alam pa nga nito ang kanyang pangalan. Natuwa si Xiaobao at naisip niyang hindi puwedeng masamang tao ang lalaki. Pagkatapos, tinanong ng lalaki si Xiaobao, “Xiaobao, kahit kailan ba ay nabanggit ako ng mga magulang mo kapag nag-uusap sila?” Sandaling nag-isip si Xiaobao at sinabi niya, “Hindi ko alam.” Sinabi ng lalaki, “Isa kang matapat na bata. Sinasabi ng mababait na bata kung ano ang nalalaman nila.” Tinanong ulit nito si Xiaobao, “Kahit kailan ba ay nabanggit ako ng mga magulang mo?” Sinabi pa rin ni Xiaobao na hindi niya alam. Nagpatuloy ang lalaki, “Xiaobao, magpakabait ka, kung sasabihin mo sa akin ang totoo, bibigyan kita ng kaunting kendi.” Sandaling nag-isip si Xiaobao pero sinabi pa rin niya na hindi niya alam. Nag-isip ang lalaki, “Paano ko ba siya mapapagsabi ng totoo?” Sandali itong nag-isip, pagkatapos ay sinabi nito kay Xiaobao, “Xiaobao, ang mga magulang mo ay sumasampalataya sa Diyos, at ganoon din ako. Matalik na kaibigan ako ng mga magulang mo. Lahat kaming tatlo ay sumasampalataya sa Diyos, at sumasampalataya ka rin sa Diyos. Alam mo ba kung anong uri ng mga bata ang gusto ng Diyos?” Pinag-isipan ito ni Xiaobao at sinabi, “Hindi ko alam.” Sinabi ng lalaki, “Gusto ng Diyos ng mga matapat na bata, ng mga batang hindi nagsisinungaling. Kapag may alam silang isang bagay, sinasabi nilang alam nila, at kapag hindi nila alam, sinasabi nilang hindi nila alam. Iyon ang matatawag mong matapat na bata, at gusto ng Diyos ang ganitong mga bata.” Pinag-isipan ito ni Xiaobao at sinabi, “Sige.” Pagkatapos, tumigil na siya sa pagsasabing hindi niya alam. Nagpatuloy ang lalaki, “Kung sasabihin mo sa akin ang totoo, magiging isa kang matapat na bata, isang batang mahal ng Diyos.” Pinag-isipan ito ni Xiaobao at sinabi, “Sige na nga.” Tinanong ng lalaki, “Ano ang ibig sabihin ng ‘sige na nga’?” Sinabi ni Xiaobao, “Ibig sabihin nito ay may sinabi ang mga magulang ko tungkol sa iyo noon.” Pagkatapos, patuloy na nagtanong ang lalaki kung ano ang sinabi at paulit-ulit na sinabihan si Xiaobao na maging matapat na bata at huwag magsinungaling. Sinabi ni Xiaobao, “Sinabi ng nanay at tatay ko na hindi ka mabuting tao. Sinabi nila na hindi ka gaanong matapat, at dapat silang maging maingat kapag nakikipag-usap sa iyo.” Muling nagtanong ang lalaki, “Ano pa ang sinabi ng nanay at tatay mo?” Sumagot si Xiaobao, “Hindi ko matandaan.” “Maging mabait na bata ka!” Sabi ng lalaki. Pagkatapos ay sumagot si Xiaobao, “Sinabi ng nanay at tatay ko na hindi nila dapat sabihin sa iyo ang lahat ng bagay.” Pagkatapos, patuloy siyang tinanong ng lalaki, at maraming sinabi rito si Xiaobao. Tumindi nang tumindi ang pagkabalisa ng lalaki at sinabi kay Xiaobao, “Xiaobao, napakabait mong bata, isa kang batang minamahal ng Diyos dahil isa kang matapat na tao at sinasabi mo sa akin ang lahat ng nalalaman mo.” Sa oras na ito, hindi na masyadong nag-iingat si Xiaobao laban sa lalaking ito gaya noong una, at hindi na siya sumasagot ng “Hindi ko alam” sa lahat ng tinatanong nito sa kanya. Gusto niyang sabihin sa lalaki ang lahat, sabihin dito ang anumang hindi nito alam—kailangan lang nitong tanungin si Xiaobao. Ibinunyag din ng lalaki kay Xiaobao, “Ang palayaw ko ay Dabao, kaya nakita mo, Xiaobao ang pangalan mo at Dabao naman ang pangalan ko. Hindi ba’t dapat tayong maging matalik na magkaibigan?” Sumagot si Xiaobao, “Oo.” Sa patuloy nilang pagtatalakayan, napag-usapan nila ang tungkol sa maraming bagay, at habang mas nag-uusap sila ay mas nasisiyahan sila. Nakakuha rin ng kaunting kendi si Xiaobao at hindi na siya naging maingat laban sa lalaki. Pagkatapos, hiningi ito ng lalaki kay Xiaobao: “Sa hinaharap, kung may sasabihin ulit ang nanay at tatay mo tungkol sa akin, puwede mo bang sabihin sa akin?” Sinabi ni Xiaobao, “Oo naman, dahil matalik tayong magkaibigan.” Hindi na nag-iingat si Xiaobao laban sa lalaking ito, at nakuha ng lalaking ito ang impormasyong kailangan nito mula sa kanya. Mula sa araw na iyon, naging matalik silang magkaibigan. Sa tuwing may sasabihin ang nanay at tatay ni Xiaobao tungkol sa lalaki, agad itong sasabihin ni Xiaobao sa lalaki. Nangako rin ang lalaki kay Xiaobao, “Talagang hindi ko sasabihin sa nanay at tatay mo ang tungkol sa ating dalawa—lihim natin ito. Sa hinaharap, kung kailanganin mo man ng masarap na pagkain o ng bagay na masayang laruin, tiyak na bibilhin ko ito para sa iyo. At kung mayroon kang ayaw ipaalam sa nanay at tatay mo, ililihim ko ito para sa iyo.” Kaya, lalo pang napalagay si Xiaobao at buong-pusong pinagkatiwalaan ang lalaki. Ipinagpatuloy niya ang sinserong pakikipag-ugnayan dito, at sila ay naging “tunay na matalik na magkaibigan.”
Iyon ang buong kuwento. Kaunting tauhan lang ang sangkot dito; ang mga pangunahing tauhan ay sina Dabao at Xiaobao. Ang partikular na paksa ay umiikot sa kung paano sinubukan ni Dabao na ilihis, suyuin, at akitin ang batang si Xiaobao, hinihikayat itong sabihin sa lalaki ang mga partikular na impormasyong gusto niyang malaman. Iyon ang uri ng kuwento at diyalogong ito. Ano ang makikita natin mula sa simpleng balangkas at diyalogong ito? Kaninong mga katangian ang pangunahing tinalakay dito? Ang sa bata ba o sa matanda? (Sa matanda.) Kaya, ano ang inilalarawan dito? Ano ang pangunahing paksa ng kuwento? Ang pangunahing paksa ay may kinalaman sa kung paano gumagamit ang matandang ito ng iba’t ibang paraan upang maisakatuparan ang kanyang mithiin. Naunawaan ba ninyo kung ano ang paraang ginamit niya? (Ang pang-aakit at panlilihis.) Gumamit siya ng mga insentibo upang akitin ang bata at ng mga tamang salita upang ilihis ito, at naengganyo pa nga niya ito. Ano ang ginamit niya upang maengganyo ito? Mga pakinabang—naengganyo niya ang bata gamit ang mga pakinabang. Ang pang-aakit, pag-eengganyo, at panlilihis—binubuo itong pareho ng pang-eengganyo at panlilihis, paggamit ng mga tamang salita upang maengganyo, at pagdadala rin ng bahagyang nagbabantang kalikasan. Puwedeng tama sa pandinig ang mga salita, pero para saan niya ginamit ang mga salitang ito? (Para maisakatuparan ang sarili niyang adyenda.) Ginamit niya ang mga ito upang maisakatuparan ang sarili niyang mga lihim na layunin. Ang mga paraang ginamit niya ay talagang malinaw. Ito ba ang pag-uugaling taglay ng normal na pagkatao? (Hindi.) Kung ganoon ay sa anong aspekto ng tiwaling disposisyon ni Satanas nabibilang ang pag-uugaling ito? (Kabuktutan.) Bakit sinasabi nating sa kabuktutan sa halip na sa panlilinlang? Nasa mas malalim na antas ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang; mas mapanira ito, mas malihim, mas mapanlihis, at mas mahirap arukin, at nakapaloob sa kabuktutan ang pang-eengganyo, panunuyo, pang-aakit, pagkuha ng loob, panunuhol, at panunukso. Ang mga kilos at pag-uugaling ito ay sobrang higit pa sa panlilinlang; ang mga ito ay buktot, walang duda. Hindi sinabi ng lalaki, “Kung hindi mo sasabihin sa akin, hahampasin kita, sisipain kita, o papatayin kita!” Hindi siya gumamit ng ganoong mga paraan, at sa panlabas, hindi lumitaw na siya ay may masamang hangarin. Gayunpaman, mas nakakatakot pa nga ito kaysa sa masamang hangarin—ito ay kabuktutan. Bakit Ko sinasabing ito ay kabuktutan? Ang panlilinlang ay karaniwang nahahalata ng karamihan ng tao, pero mas mapanlinlang ang paraan niya. Sa panlabas, gumagamit siya ng magalang na pananalita na umaayon sa damdamin ng tao; pero sa realidad, sa kaibuturan, may mga bagay na mas nakatago. Ang mga kilos at paraan niya ay mas nakatago, mas mapanira kaysa sa panlilinlang na karaniwang nakikita at nakakaharap ng mga tao. Ang mga taktika niya ay mas sopistikado, mas mapanlansi, at mas mapanlihis. Ito ay kabuktutan.
Sa pang-araw-araw na buhay, kaya ba ninyong kilalanin ang pagkakaiba at kilatisin ang paghahayag ng buktot na disposisyon ng ibang tao at ang kanilang buktot na pag-uugali? Bagamat puwedeng maging medyo mahusay makitungo ang mga mapanlinlang na indibidwal, pagkatapos makisalamuha sa kanila sa loob ng ilang panahon, mahahalata pa rin sila ng karamihan ng tao. Gayunpaman, hindi ganoon kadaling mahalata ang mga taong may buktot na disposisyon. Kung hindi mo makita ang diwa o ang mga kahihinatnan, wala kang paraan para mahalata sila. Ang mga buktot na indibidwal ay mas lalo pang mapanira kaysa sa mga mapanlinlang na tao. Wala kang paraan para mahalata sila mula lang sa isa o dalawang pangungusap. Pagdating sa mga taong may buktot na disposisyon, sa kaunting oras o sa maikling panahon ay puwedeng hindi mo mahalata o maunawaan kung bakit nila ginagawa ang partikular na bagay na iyon, kung bakit sila nagsasalita o kumikilos sa ganoong paraan. Isang araw, kapag sila ay lubusan nang nabunyag at ganap nang nailantad, sa wakas ay matutuklasan kung anong uri sila ng tao. Higit pa ito sa panlilinlang lamang—ito ay kabuktutan. Samakatuwid, ang pagkilatis sa isang buktot na disposisyon ay nangangailangan ng ilang panahon, at minsan dapat munang makita ang mga kahihinatnan bago ito makikilatis ng isang tao—hindi ito isang bagay na makikilatis agad. Halimbawa, ilang dekada nang nanlilihis ng mga tao ang malaking pulang dragon, at ngayon lang nagkaroon ng kaunting pagkilatis ang kaunting tao. Ang malaking pulang dragon ay madalas na nagsasabi ng mga bagay na pinakamasarap pakinggan at pinakanaaayon sa mga kuru-kuro ng tao, itinataas ang bandera ng paglilingkod sa mga tao para manlihis ng mga tao at ang bandera ng katarungan para magpalayas ng mga taong tumututol, pumapatay ng hindi mabilang na mabubuting tao. Ngunit kaunti lang ang nakakakilatis nito dahil ang sinasabi at ginagawa nito ay mukhang tama sa mga tao. Iniisip ng lahat ng tao na ang lahat ng ginagawa nito ay makatarungan at nararapat, legal at makatwiran, at naaayon sa humanismo. Bilang resulta, nailihis nito ang mga tao sa loob ng ilang dekada. Kapag sa wakas ay nalantad at bumagsak na ito, makikita ng mga tao na ang tunay na mukha nito ay sa diyablo, at ang kalikasang diwa nito ay buktot. Ang malaking pulang dragon ay nanlihis ng mga tao sa loob ng napakaraming taon, at ang lason ng malaking pulang dragon ay nasa lahat ng tao—naging mga inapo na sila nito. May kakayahan ba ang sinuman sa inyong gawin ang mga uri ng bagay na nagawa ng malaking pulang dragon? May ilang taong katulad ng malaking pulang dragon kung magsalita, gumagamit ng napakagagandang salita pero hindi gumagawa ng tunay na gawain. Maganda ang lahat ng salita nila, pero hindi sila gumagawa ng tunay na gawain. Gayundin, partikular silang mapanira at buktot. Pagdating sa ganoong mga tao, kung may makakapagpasama ng loob nila, hindi nila ito palalampasin. Sa malao’t madali, makakahanap sila ng angkop na pagkakataon para maisakatuparan ang layunin nilang maghiganti pero hindi sila bibigyan ng anumang kalamangan. Puwede pa nga nilang pangasiwaan ang usaping iyon nang hindi humaharap at nagpapakita ng kanilang mukha. Hindi ba’t buktot ito? Ang mga buktot na tao ay kumikilos nang may mga prinsipyo, paraan, hangarin, motibo, at layuning partikular na palihim at nakatago. Gumagamit ang mga buktot na indibidwal ng mga pakana upang maminsala ng iba, minsan ay gumagamit sila ng ibang tao upang pumatay para sa kanila, minsan ay pinahihirapan nila ang iba sa pamamagitan ng pang-aakit sa mga itong gumawa ng mga kasalanan, at minsan ay gumagamit sila ng mga kautusan o bumabaling sa lahat ng uri ng kasuklam-suklam na paraan para pahirapan ang iba. Ang mga ito ay pawang pagpapamalas ng kabuktutan, at wala sa mga ito ang mga makatarungan o matapat na paraan. Mayroon bang sinuman sa inyong nagpapakita ng mga pag-uugali o pagbubunyag na ito? Kaya ba ninyong kilatisin ang mga ito? Alam ba ninyong binubuo ng mga ito ang isang buktot na disposisyon? Ang panlilinlang ay kadalasang nakikita sa panlabas: May isang taong nagpapaligoy-ligoy o gumagamit ng mabulaklak na pananalita, at walang nakakabasa ng kanyang iniisip. Iyon ay panlilinlang. Ano ang pangunahing katangian ng kabuktutan? Ito ay na sadyang masarap sa pandinig ang kanyang mga salita, at ang lahat ng bagay ay parang tama sa panlabas. Mukhang walang anumang problema, at mukhang maayos ang mga bagay sa bawat anggulo. Kapag may ginagawa siya, hindi mo siya makikitang gumagamit ng anumang partikular na diskarte, at sa panlabas, walang anumang tanda ng mga kahinaan o kapintasan, pero naisasakatuparan niya ang kanyang mithiin. Ginagawa niya ang mga bagay sa isang masyadong malihim na paraan. Ganito inililihis ng mga anticristo ang mga tao. Ang ganitong mga tao at bagay ang pinakamahirap kilatisin. May ilang tao na madalas na nagsasabi ng mga tamang bagay, gumagamit ng mga magagandang palusot, at gumagamit ng mga partikular na doktrina, kasabihan, o kilos na umaayon sa pagkagiliw ng tao upang manlinlang ng mga tao. Nagkukunwari silang gumagawa ng isang bagay habang gumagawa ng iba pa upang maisakatuparan ang kanilang lihim na layunin. Ito ay kabuktutan, pero itinuturing ng karamihan ng mga tao ang mga pag-uugaling ito bilang mapanlinlang. Ang mga tao ay mayroong medyo limitadong pang-unawa at paghimay sa kabuktutan. Ang totoo, mas mahirap kilatisin ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang dahil mas palihim ito, at mas sopistikado ang mga paraan at kilos nito. Kung ang isang tao ay may isang mapanlinlang na disposisyon, kadalasan, nahahalata ng iba ang kanyang panlilinlang sa loob ng dalawa o tatlong araw ng pakikisalamuha sa kanya, o nakikita nila ang pagbubunyag ng kanyang mapanlinlang na disposisyon sa kanyang mga kilos at salita. Gayunpaman, ipagpalagay nating buktot ang taong iyon: Hindi ito isang bagay na makikilatis sa loob lang ng ilang araw, dahil kung walang anumang mahalagang pangyayari o espesyal na sitwasyong magaganap sa isang maikling panahon, hindi madaling makakilatis ng anumang bagay mula lang sa pakikinig sa kanyang magsalita. Palaging tama ang mga sinasabi at ginagawa niya, at naglalahad siya ng sunud-sunod na tamang doktrina. Pagkalipas ng ilang araw ng pakikisalamuha sa kanya, puwede mong isipin na ang taong ito ay medyo magaling, nagagawang tumalikod sa mga bagay-bagay at gumugol ng kanyang sarili, may espirituwal na pang-unawa, may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at parehong may konsensiya at katwiran sa paraan ng kanyang pagkilos. Pero pagkatapos niyang mangasiwa ng ilang usapin, makikita mong ang kanyang pananalita at mga kilos ay nahahaluan ng napakaraming bagay, ng napakaraming mala-diyablong layunin. Napapagtanto mong ang taong ito ay hindi matapat kundi mapanlinlang—isang buktot na bagay. Madalas siyang gumagamit ng mga tamang salita at magagandang parirala na naaayon sa katotohanan at nagtataglay ng pagkagiliw ng tao upang makisalamuha sa mga tao. Sa isang banda, itinatatag niya ang kanyang sarili, at sa isa pa, inililihis niya ang iba, nagkakamit ng katanyagan at katayuan sa mga tao. Ang ganoong mga indibidwal ay labis na mapanlihis, at sa sandaling magkamit sila ng kapangyarihan at katayuan, kaya na nilang manlihis at maminsala ng maraming tao. Lubhang mapanganib ang mga taong may mga buktot na disposisyon. May ganoon bang mga tao sa paligid ninyo? Kayo ba mismo ay ganito? (Oo.) Kung ganoon ay gaano ito kaseryoso? Nagsasalita at kumikilos nang walang anumang katotohanang prinsipyo, lubos na sumasandig sa iyong buktot na kalikasan upang kumilos, palaging nagnanais na manlihis ng iba at mamuhay sa likod ng isang maskara, para hindi makita o makilala ng iba, at para igalang at hangaan nila ang iyong pagkatao at katayuan—ito ay kabuktutan. Ipinapakita ba ninyo ang mga buktot na pag-uugaling ito nang paminsan-minsan lang, o ganito ba kayo madalas? Ganito lang ba talaga kayo, at mahirap ba para sa inyong makawala? Kung paminsan-minsan lang kayo gumagamit ng ganitong mga paraan, puwede pa rin itong mabago. Gayunpaman, kung ganito lang talaga kayo, palaging kumikilos nang mataktika at panlilinlang, at palaging sumasandig sa mga pakana, kung gayon kayo ang pinakatuso sa lahat ng diyablo. Sasabihin Ko sa inyo ang katotohanan: Ang ganitong mga tao ay hindi kailanman magbabago.
Sa kuwento, ginagamit ni Dabao ang mga paraang ito upang ilihis si Xiaobao at hikayatin ang batang lalaki na sabihin sa kanya ang totoo. Sabihin ninyo sa Akin, sino ang nagturo sa kanyang kumilos nang ganito? Walang nagturo sa kanya. Kaya, saan nagmula ang mga panlilinlang na ito? (Mula sa kanyang kalikasan.) Nagmula ang mga ito sa kanyang kalikasan, sa kanyang tiwaling diwa. Ganoong uri lang talaga siya ng tao. Hindi nga niya pinalagpas kahit ang isang bata—napakakasuklam-suklam! Kung gusto niyang malaman ang katotohanan, puwede niyang tanungin nang direkta ang mga magulang ng bata, o puwede niyang aktibong kilalanin ang kanyang sarili at ilantad ang kanyang puso sa kanila; pagkatapos ay maari nilang sabihin sa kanya ang totoo. Hindi na kailangang gumamit ng ganoong mga paraan upang gawin ang mga kahiya-hiya at nakakaasiwang bagay na ito nang lingid sa kaalaman ng iba. Ito ang ginagawa ng mga taong may mga buktot na disposisyon. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kasuklam-suklam ito? (Kasuklam-suklam ito.) Hindi nga niya pinalagpas ang isang bata; ang tingin niya sa bata ay madaling sindakin, lokohin, at dayain, kaya nagplano siya laban dito. Ngayon, kung makakakita siya ng isang taong nasa hustong gulang na matapat at mabait, paano niya ito tatratuhin? Hahayaan ba niya sila? Talagang hindi. Kung makakakita siya ng isang taong katulad niya, isang taong mahilig gumamit ng mga estratehiya sa mga salita at kilos nito, ano ang gagawin niya? (Alam niya na ang taong ito ay kasing-buktot lang niya at puwedeng mag-ingat laban dito, hindi agad nagbubunyag ng anumang bagay.) Bukod sa pag-iingat, ano pa ang puwede niyang gawin? (Makikipagkompetensiya siya.) Makikipagkompetensiya siya nang lantaran at palihim—iyon na iyon. Ito ang pag-uugali ng mga taong may mga buktot na disposisyon. Ang ganitong mga tao ay mahilig makipagkompetensiya sa iba nang lantaran at palihim, at sinasamantala nila ang bawat pagkakataon. Mayroon silang sikat na kasabihan, at kung makakaharap mo ang ganitong mga tao at maririnig mong sabihin nila ito, makakasiguro kang mayroon silang buktot na disposisyon. Ano ang sinasabi nila? Halimbawa, kapag iminungkahi mong makipagtulungan sila sa ibang tao para gawin ang kanilang tungkulin, sasabihin nila, “Oh, hindi ko kayang makipagkompetensiya sa kanya!” Palaging tungkol sa “kompetisyon” ang una nilang naiisip. Ang unang naiisip nila ay hindi tungkol sa kung paano makikipagtulungan sa iba para magawa nang maayos ang trabaho, kundi tungkol sa pakikipagkompetensiya sa kanila. Ito ang sikat na kasabihan nila. Sa anumang grupong panlipunan sila nabibilang, kasama man sila sa mga walang pananampalataya, kapatid, o miyembro ng pamilya, ano ang isang panuntunan nila? Ito ay kompetisyon, at kung hindi nila madadaig ang iba nang lantaran ay gagawin nila ito nang palihim. Ang ganitong uri ng disposyon ay buktot. May ilang tao na sa panlabas ay puwedeng lumitaw na kaswal na nakikipagkuwentuhan sa iba, pero sa kanilang puso, palihim silang nakikipagkompetensiya, gumagamit ng iba’t ibang paraan at mga diskarte upang hindi tuwirang atakihin at maliitin ang ibang tao. Ang mga taong hindi nakakakilatis nito ay hindi makikita ang totoo sa kanilang mga taktika, at sa oras na makita nila, nagkaroon na ng resulta ang kanilang kompetisyon. Ito ay kabuktutan. Kapag nakikisalamuha sa iba ang mga buktot na tao, ang lahat ay tungkol sa pakikipagkompetensiya nang lantaran at palihim, paggamit ng iba’t ibang pakana, plano, o mga partikular na paraan upang talunin ang iba, pasukuin ang mga ito, at sa huli ay hikayatin ang lahat na sumunod sa kanila. Mula nang umiral ang sangkatauhan hanggang sa ngayon, ang buong kasaysayan ng sangkatauhan ay napuno na ng “kompetisyon.” Sa isa mang malawak na antas sa pagitan ng mga bansa, sa isang mas maliit na antas sa pagitan ng mga pamilya, o sa isang indibidwal na antas sa pagitan ng mga tao, walang grupong hindi puno ng alitan; kung hindi ito lantarang kompetisyon ay palihim ito, kung hindi ito salitang komprontasyon ay pisikalan ito. Ang panahong may pinakamadalas na mga digmaan sa iba’t ibang pangkat etniko sa kasaysayan ng Tsina ay ang Panahon ng Tagsibol at Taglagas at ang Panahon ng Mga Naglalabanang Estado. Karamihan ng mga tanyag na aklat tungkol sa estratehiyang militar ay ginawa noong dalawang panahong iyon, tulad ng mga taktikang nakapaloob sa Ang Sining ng Pakikidigma ni Sun Tzu—ang lahat ng ito ay ginawa noong panahong iyon. Nariyan din ang aklat na Ang Tatlongpu’t Anim na Estratehiya, na nagdodokumento ng iba’t ibang taktika na ginagamit sa pakikidigma. Ang ilan sa mga estratehiya at taktikang militar na ito ay ginagamit pa rin sa panahon ngayon. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang ilan sa mga estratehiya nito? (Ang Estratehiyang “Pananakit sa Sarili”.) (Ang Estratehiyang “Panlilihis”.) (Ang Estratehiyang “Kontra-espiya”, Estratehiyang “Siyudad na Walang Tao”, at Estratehiyang “Patibong ng Pulot-pukyutan”.) Ang lahat ng tanyag na estratehiyang ito, nagtatapos man sa “Patibong ng Pulot-pukyutan,” “Siyudad na Walang Tao,” o “Panlilihis,” ay nagsisimula sa “Estratehiya.” Ano ang ibig sabihin ng “estratehiya?” (“Taktika” o “pakana.”) Ipinahihiwatig nito ang mga partikular na mapanira, mapanlinlang, nakatago, o lihim na taktika. Ang mga “taktika” na ito ay walang kinalaman sa pagpaplano—tungkol ang mga ito sa pagpapakana. Ano ang nakikita natin sa likod ng mga taktikang ito? Ang kanila bang mga kilos, kanilang pag-uugali, at ang mga taktika at kaugaliang ito na ginagamit nila sa pakikidigma ay naaayon sa pagkatao at sa katotohanan? (Hindi.) Sa ganitong paraan ba gumagawa ang Diyos? (Hindi.) Talagang hindi. Kaya, kanino kumakatawan ang mga kaugaliang ito? Kumakatawan ang mga ito kay Satanas at sa buktot na sangkatauhang ito. Saan nagmumula ang mga estratehiyang ito ng buktot na sangkatauhan? (Kay Satanas.) Nanggagaling ang mga ito kay Satanas. Puwedeng mahirapan ang ilan na unawain ito, kaya dapat Kong sabihin na nanggagaling ang mga ito sa mga haring diyablo—pagkatapos ay mauunawaan ito ng mga tao. Sino ang mga haring diyablo? Sila ang mga demonyo at si Satanas na muling nagkatawang-laman sa mundo para maghasik ng hindi pagkakasundo at magdulot ng kaguluhan sa sangkatauhan—binuo nila ang mga estratehiyang ito. Sa mga talaan ng gawain ng Diyos, kahit kailan ba ay nakita ninyo Siyang gumamit ng Estratehiyang Siyudad na Walang Tao o ng Estratehiyang Panlilihis? Kasama ba ang mga estratehiyang ito sa plano ng pamamahala ng Diyos? Kailanman ay hindi gumamit ang Diyos ng ganoong mga estratehiya upang pamahalaan ang Kanyang gawain. Ang mga estratehiyang ito ay ginagamit ng kabuuan ng buktot na sangkatauhan. Mula sa isang bansa o isang dinastiya sa isang mas malaking antas, hanggang sa isang tribo o pamilya sa isang mas maliit na antas, at maging hanggang sa mga ugnayan sa pagitan ng mga indibidwal, saan ka man makakita ng tiwaling sangkatauhan, makakakita ka ng alitan. Ano ang pinag-aawayan nila? Ano ang pinagkokompetensiyahan nila? Ano ang mithiin nila? Ang lahat ng ito ay para sa kapangyarihan, katayuan, at pakinabang—upang makamit ang mga bagay na ito. Naglalaban-laban ang mga bansa para sa kontrol sa mas maraming tao. Naglalaban-laban ang mga tribo para sa teritoryo, mga tao, at soberanya. Naglalaban ang mga indibidwal para sa superyoridad at pakinabang. Saanman may sangkatauhan, may alitan, dahil saanman may sangkatauhan, naroon ang katiwalian ni Satanas. Ang buong sangkatauhan ay nagawang tiwali ni Satanas, kaya ang mundo ay puno ng alitan at pagdanak ng dugo. Sa anumang ginagawa nito, hindi kayang takasan ng tiwaling sangkatauhan ang mga gapos ng disposisyon ni Satanas. Samakatuwid, ang buong kasaysayan ng sangkatauhan, sa Kanluran man o sa Silangan, ang bawat bahagi ng kasaysayan nito ay isang napakasamang pagsasalaysay ng buktot na tunggalian ng sangkatauhan. Itinuturing pa nga ng sangkatauhan ang mga bagay na ito bilang maluwalhati. Pinag-aaralan pa rin ng ilang tao ang Tatlongpu’t Anim na Estratehiya ng Tsina sa panahon ngayon. Pinag-aaralan ba ninyo ang mga ito? (Hindi.) Kung sadya mong pag-aaralan ang mga bagay na ito, matututunan ang mga karanasan, aral, diskarte, paraan, at teknik na nilalaman ng mga ito para pagyamin ang utak mo, at gagawin ang mga itong bahagi ng iyong mga kasanayan upang mabuhay, talagang mali iyon. Hindi maiiwasang mas mapapalapit ka kay Satanas, nagiging lalo pang buktot, lalo pang masama. Gayunpaman, kung kaya mong baguhin ang iyong perspektiba at himayin, kilatisin, at ilantad ang mga ito alinsunod sa mga salita ng Diyos, anong uri ng resulta ang makakamit mo? Lalo mo pang kapopootan si Satanas, at lalo mo pang mauunawaan at kapopootan ang iyong sarili. Ano pa ang mas magandang kalalabasan? Ito ay ang tanggihan si Satanas at maging desididong sumunod sa Diyos. Ginagamit ni Satanas ang mga tinatawag na tradisyonal na kulturang ito at ang lahat ng uri ng kaalaman at teorya na naipon ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon para ituro at itanim sa mga tao, naglalayong gawing tiwali at kontrolin ang mga ito sa isang mas malalim na antas. Kung magiging dalubhasa ka sa mga bagay na ito at malalaman mo kung paano gamitin ang mga ito, magiging isa kang nabubuhay na Satanas, at lubusan kang ititiwalag ng Diyos.
Kapag nagbabahagi tungkol sa pag-unawa sa sarili sa mga nakaraang pagtitipon, karamihan ng mga tao ay madalas magbanggit sa usapin ng isang mapagmataas na disposisyon, na siyang pinakakaraniwang tiwaling disposisyon, at laganap ang pag-iral nito. Ano pang ibang tiwaling disposisyon ang medyo karaniwan? (Ang panlilinlang at pagiging mapagmatigas.) Ang panlilinlang, pagiging mapagmatigas, pagtutol sa katotohanan, at kalupitan—ang mga ito ang mga bagay na madalas makaharap ng mga tao. Ang kabuktutan ay mas madalang makita, at hindi ito masyadong kinikilala. Masasabi na ang isang buktot na disposisyon ang pinakamahirap na makilala, at isa itong malalim na nakatago at medyo malihim na uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? Halimbawa, ipagpalagay nating may dalawang taong nakatira nang magkasama, at walang sinuman sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan o naghahangad dito, hindi rin sila tapat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Sa panlabas, ang dalawa sa kanila ay puwedeng lumitaw na magkasamang nabubuhay nang magkasundo nang wala talagang mga isyu. Gayunpaman, sa kaibuturan, walang sinuman sa kanila ang naghahangad sa katotohanan, at umiiral pa rin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon, bagama’t hindi mo nakikita ang mga iyon. Bakit hindi mo nakikita ang mga iyon? Ito ay dahil ang parehong indibidwal na ito ay partikular na mapanlinlang at tuso sa kanilang mga kilos. Dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan at wala kang anumang pagkilatis, hindi mo makita ang tunay na diwa ng kanilang mga problema. Kaunti lang ang mga katotohanang nauunawaan mo, masyadong mababa ang tayog mo, kaya maraming masalimuot na usapin na wala kang paraan upangmaarok, at wala kang magawa upang tulungan ang ibang tao na lutasin ang kanilang mga isyu. Bilang mga lider, ano ang dapat ninyong gawin kapag nakakatagpo kayo ng ganitong mga tao? Kung ilalantad at kikilatisin mo sila, agad ba nila iyong matatanggap? Hindi, hindi nila ito agad matatanggap. Kaya, paano mo dapat harapin ang ganoong mga tao? May paraan ba para gawin ito? Ano ang prinsipyo sa pagharap sa ganoong mga tao? Kung nagtataglay sila ng ilang teknikal o propesyonal na kasanayan para magtrabaho alang-alang sa sambahayan ng Diyos, dapat mo silang tratuhin bilang mga kapatid at humingi sa kanila gaya nito. Gayunpaman, dahil hindi hinahangad ng ganoong mga tao ang katotohanan, kaya ba nilang maging tapat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Anong pag-uugali ang nagpapahiwatig na wala silang katapatan? Hindi ba’t mahusay ang ganitong mga tao sa paggawa ng mga bagay para magpakitang-tao? Kapag walang tao sa paligid, hindi sila nagseseryoso at hindi nagmamadali. Sa sandaling may makita silang paparating, binibilisan nila ang pagkilos. Puwede pa nga silang maglabas ng maraming tanong, nagtatanong kung katanggap-tanggap ang ganito o ganyan. Sa sandaling umalis ang taong iyon, tumitigil sila sa pagtatrabaho, walang ginagawa, wala talagang isyung ilalabas, at sinasabi pa nga sa puso nila, “Niloloko lang naman kita; hindi ako ganoon kahangal!” Ang lahat ng ginagawa ng ganitong mga tao ay para magpakitang-tao; talagang sanay sila sa pagpapakita ng isang huwad na imahe at mahusay sa pagkukunwari, binibigyan ng huwad na impresyon ang mga tao. Maraming taong ilang taon nang nakikisalamuha sa kanila ang hindi pa rin nakakakita sa kanilang tuso at mapanlinlang na diwa. Kapag may ibang nagtatanong tungkol sa kanila, sinasabi pa nila, “Ang taong ito ay medyo mahusay, tinatrato ang lahat nang maayos, hindi kailanman namiminsala ng sinuman, mapagpalugod lang ng mga tao. Kahit na may ginagawang mali ang isang tao, hindi niya ito pinupungusan; patuloy niyang hinihikayat at pinapagaan ang loob ng iba.” Anong mga diskarte at paraan ang ginagamit ng mga taong ito sa kanilang pakikisalamuha sa iba? Gumaganap sila ng papel para ibagay sa pangyayari, kaaya-aya at tuso sila, at karamihan sa mga tao ay nagsasabing mabuti silang tao. May ganito bang mga tao sa paligid ninyo? (Oo.) Ang lahat ng tao ay may tendensiyang magbunyag ng mga sarili nilang tiwaling disposisyon, pero labis na ikinukubli ng mga indibidwal na ito ang kanilang sarili, ginagawang imposible para sa sinuman na matukoy ang kanilang mga isyu. Hindi ba’t isa itong problema? Sa kasaysayan, may ilang emperador na gumawa ng maraming masamang gawa, pero tinatawag pa rin silang mga matalinong tagapamahala ng mga sumunod na henerasyon. Bakit ganoon ang mga pananaw ng mga tao sa kanila? Hindi ba’t nagsikap sila at gumawa ng mga bagay-bagay para maingatan ang sarili nilang reputasyon? Sa isang banda, gumawa sila ng ilang mabuting bagay alang-alang sa sarili nilang mga tagumpay sa politika, habang sa kabilang banda, binaluktot nila ang kasaysayan at pinatay ang mga taong nagsulat ng katotohanan at mga katunayan tungkol sa kanila para itago ang mga ginagawa nilang masama. Gayunpaman, kahit paano pa nila sinubukang pagtakpan ang mga iyon, walang duda na may mga tala ng kanilang mga gawa. Hindi nila kayang patayin ang lahat ng taong nakaalam ng katotohanan. Kalaunan, ang mga bagay na iyon ay paunti-unting isiniwalat ng mga sumunod na henerasyon. Nang malaman ito ng mga tao, pakiramdam nila ay nadaya sila. Sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa mga historikal na katunayang ito, dapat magkaroon ang mga tao ng bagong pang-unawa sa katotohanan tungkol sa buong sangkatauhan. Anong uri ng pang-unawa? Mula sa mga monarka hanggang sa mga karaniwang tao, ang buong sangkatauhan ay nasa mga kamay ng buktot, ginawang tiwali ni Satanas para ang bawat tao ay mas buktot kaysa sa kasunod. Walang sinumang hindi masama, walang sinumang hindi marumi. Lahat sila ay nakagawa ng maraming masamang bagay; medyo buktot silang lahat, walang sinuman sa kanila ang mabuti. Sinasabi ng ilan, “Sa bawat dinastiya, may ilang matuwid na opisyal. Maituturing bang buktot ang mga matuwid na opisyal na ito?” Kung sumasampalataya ka sa Diyos sa ilalim ng awtoridad ng mga matuwid na opisyal na ito, tingnan mo kung aarestuhin ka nila o hindi. Kung magpapatotoo ka sa kanila tungkol sa Diyos, obserbahan mo ang saloobin nila. Malalaman mo agad kung buktot sila o hindi. Ang pagpapakita at gawain ng Diyos, pati na ang katotohanang Kanyang ipinapahayag, ay nagbubunyag ng tunay na pagkatao ng mga tao higit sa anupaman. Maaaring nagkamit na ng mga partikular na tagumpay sa politika ang ilang namumuno at opisyal at nakagawa na ng ilang mabuting kilos, pero ano ang kalikasan ng mabubuting kilos na ito? Sino ang nakikinabang sa mga ito? Ang mga ito ay mabubuting kilos na hinihingi ng namumunong uri. Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang mabubuting kilos na ginagawa nila? Ang mga “tagumpay sa politika” bang ito ay pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos? Talagang hindi. Ang kanilang mga tagumpay sa politika at mabubuting kil ay talagang walang kaugnayan lahat sa katotohanan o sa pagpapasakop sa Diyos. Kung anong mabubuting kilos at tagumpay sa politika mayroon sila ay udyok lahat ng kanilang mga layunin at motibo; ginawa ang lahat ng ito para habambuhay silang maging tanyag at purihin ng iba. Samakatuwid, kahit gaano pa karaming kilos ang gawin nila o gaano karaming tagumpay sa politika ang maipon nila, hindi ito makakapagpatunay na sila ay mabubuting tao na may mabuting puso, o na kailanman ay hindi sila nakagawa ng masama o na hindi sila nagtataglay ng buktot na kalikasan. Malinaw ba sa iyo kung anong uri ng tao ang mga taong ito sa paningin ng Diyos? Magagamit ba ninyo ang mga usaping ito para maunawaan ang inyong sarili? Nakikisali ba kayo sa ganoong mga gawain, kung saan gusto ninyong magpasikat sa sandaling makagawa kayo ng mabuti, tinitiyak na alam ito ng lahat, pagkatapos sa panlabas ay sinasabing hindi dapat maging mayabang o mapagmataas ang isang tao, na dapat na umasal ang isang tao nang may pagpapakumbaba? Halimbawa, pumunta ka sa isang bagong iglesia para gumawa, at hindi alam ng mga tao na nasa posisyon ka ng pamumuno, kaya kailangan mong subukan ang bawat paraan upang ipaalam sa mga tao na isa kang lider, at buong gabi kang nag-iisip nang labis, sa wakas ay nakaisip ng magandang solusyon. Ano ang solusyon? Titipunin mo ang lahat para sa isang pulong at sasabihin, “Sa pagtitipon ngayong araw, magbahagi tayo tungkol sa kung ako, bilang isang lider, ay kwalipikado o hindi. Kung hindi ako kwalipikado, puwede ninyo akong ilantad at tanggalin. Kung kwalipikado ako, magpapatuloy ako sa papel na ito.” Kapag narinig ito ng lahat, agad nilang malalaman na isa kang lider. Hindi ba’t naisakatuparan mo ang mithiin mo sa pamamagitan nito? Saan nanggaling ang mithiing ito? Nagmumula ito sa iyong buktot na kalikasan. Ang pagkakaroon ng mga ambisyon ay isang karaniwang katangian ng tao, pero bagamat lahat ng tao ay may mga ambisyon, gumagamit ang ilan ng iba’t ibang wika, paraan, at estratehiya sa iba’t ibang pagkakataon at sa iba’t ibang lugar para maisakatuparan ang mga ninanais nilang mithiin. Kabuktutan ito.
Tungkol sa paksang ito ng buktot na kalikasan, ipagpapatuloy natin ang pagtalakay rito nang madalas. Sa ganitong paraan, magkakamit kayo ng mas masusing pang-unawa sa aspektong ito ng katotohanan at tiwaling disposisyon. Sa isang banda, magagawa ninyong maunawaan ang inyong sarili, at sa isa pa, magagawa ninyong makilatis ang iba’t ibang uri ng tao. Magkakaroon din kayo ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Kung magbabahagi lang Ako tungkol sa isang pangkalahatang konsepto o sa isang aspekto ng depinisyon, magiging medyo mababaw ang inyong pang-unawa. Gayunpaman, sa pamamagitan ng paggamit sa mga partikular na katunayan at pagbibigay ng mga halimbawa para sa ating pagbabahaginan, puwedeng mas lumalim ang inyong pang-unawa. Halimbawa, ipagpalagay nating may dalawang batang nag-uusap. Tinanong ng isa sa kanila, “Ginawa mo ba ang takdang aralin mo sa araw na ito?” Sumagot ang isa, “Hindi, hindi ko ginawa.” Pagkatapos ay sinabi ng una, “Hindi ko rin ginawa.” Pareho ba silang nagsasabi ng totoo? (Oo.) Nagkakamali ka; nagsisinungaling ang isa sa kanila. Ano ang iniisip niya sa kanyang puso? “Hangal, iniisip mo bang hindi ko talaga ito nagawa? Hindi ako ganoon kahangal! Kung hindi ko gagawin ang takdang aralin ko, mapaparusahan ako. Paanong hindi ko ito ginawa? Sinadya kong ipaisip sa iyo na hindi ko ito ginawa para hindi mo rin ito gawin. Sa huli, mapaparusahan ka, at mapapagtawanan kita.” Masama ba ang batang ito? (Masama siya.) May sinuman ba sa inyong nakagawa na nang ganito? Narito pa ang isang halimbawa: Sa klase noong Lunes, sinabi ng isang estudyante na namili siya noong Linggo, habang sinabi naman ng isa pa na bumisita siya sa mga kaibigan. Sa realidad, pareho silang nag-aaral sa bahay. Lalo na sa isang kapaligirang matindi ang kompetisyon na gaya ng Tsina, sinasabi ang mga bagay na ito para hindi masyadong maging maingat ang kalaban mo at para mahigitan mo siya. Ito ang tinatawag na estratehiya. Pangkaraniwan ang ganitong mga bagay sa pang-araw-araw na buhay. Minsan ang mga magulang at mga anak ay nakikisali sa mga katulad na pag-uusap at nagbubunyag ng mga katulad na disposisyon, na puwede ring ibunyag ng mga magkakaibigan sa isa’t isa. Ang mga pagbubunyag ng disposisyong ito ay mapapansin sa lahat ng dako, kailangan mo lang maging mapagmatyag sa mga iyon. Bakit kailangan mong magmatyag? Hindi ito para sa pangangalap ng materyal, walang katuturang pagdadaldalan, pakikipagtsismisan, o paggawa ng mga kuwento. Sa halip, ito ay upang mapabuti ang iyong pagkilatis, na magpapahintulot sa iyong ihambing ang iyong sarili sa ginagawa ng iba at sa ibinubunyag at ipinapakita nila, para makita mo kung nagpapakita ka ng mga parehong pag-uugali. Kapag nakakita ka ng isang taong nagpapakita ng ganitong uri ng pag-uugali, mauunawaan mong taglay niya ang disposisyong ito. Gayunpaman, kapag nagpapakita ka rin ng ganitong mga pag-uugali, magagawa mo bang makilala na nagtataglay ka rin ng disposisyong ito? Kung hindi mo ito kayang makilala, ang iyong pang-unawa sa kanyang disposisyon ay huwad: Hindi mo ito tunay na naunawaan, o sa ibang salita, wala kang espirituwal na pang-unawa, at hindi mo ito tumpak na naunawaan. Ang mga paksang ito ay hindi lubos na matatalakay sa loob ng ilang araw. Ang pagtalakay ng kaunti rito ay makakatulong sa inyong magkamit ng kaunti, at medyo lalalim ang inyong pang-unawa sa katotohanan. Kung tunay mong minamahal ang katotohanan, magkakaroon ka ng mas malalim na antas ng pagpasok. Ang lalim ng iyong karanasan at pagpasok ay hindi maihihiwalay sa iyong pang-unawa. Ang lalim ng iyong karanasan at pagpasok ay tiyak na magtatakda sa lalim ng iyong pang-unawa. Sa katulad na paraan, maipapakita rin ng lalim ng iyong pang-unawa kung gaano ka kalalim na nagdanas at nakapasok. Magkaugnay ang dalawang ito. Ito ang landas ng pagpasok sa katotohanan, at sa pamamagitan lang ng pagpasok sa katotohanan na makakapagtaglay ka ng realidad. Dito na natin tatapusin ang paksang ito at dadako na tayo sa pangunahing paksa ng pagbabahaginan sa araw na ito.
Isang Pagsusuri Kung Paano Nililinlang, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol ng mga Anticristo ang mga Tao
I. Isang Pagsususri Kung Paano Inililihis ng mga Anticristo ang mga Tao
Noong huling pagtitipon, tinapos natin ang ating pagbabahagi tungkol sa pang-apat na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Sa araw na ito, sisimulan natin ang pagbahagi tungkol sa panlimang aytem: kung paano inililihis, inaakit, tinatakot, at kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao. May apat na pandiwang sangkot sa aspektong ito ng mga pagpapamalas ng mga anticristo, at mula sa apat na pandiwang ito at sa pag-uugali ng mga anticristo, makikita natin ang kanilang mga disposisyon. Ang unang pandiwa ay “inililihis.” Anong uri ng disposisyon ang nakapaloob dito? Ito ay kabuktutan. Ngayon, paano naman ang “inaakit”? Kadalasan ba ay magaganda o hindi magagandang salita ang ginagamit sa pang-aakit? (Magagandang salita.) Kaya, anong uri ng disposisyon ang kumokontrol sa pag-uugaling ito? Kabuktutan. Paano naman ang “tinatakot” at “kinokontrol”—anong disposisyon ang kumokontrol sa mga ito? (Kalupitan.) Tama iyan, kalupitan. Mula sa panlimang aytem, makikita natin ang mga disposisyon ng mga anticristo. Ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga anticristo sa aytem na ito? (Kabuktutan at kalupitan.) Ang dalawang disposisyong ito ng kabuktutan at kalupitan ay parehong napaka prominente at malinaw. Isa-isa nating talakayin ang mga pag-uugaling ito, simula sa “inililihis.” Ano ang karaniwang kahulugan ng terminong “inililihis”? May sangkot ba ritong anumang pagpapamalas ng katapatan? May anumang matapat na salita ba rito? (Wala.) Walang matatapat na salita rito—huwad ang lahat ng ito, paggamit ito ng mga maling impresyon, maling pahayag, at mga mapanlinlang na salita para mapaniwala ang iba na tama ang sinasabi ng isang tao, sa gayon ay hinihikayat ang iba na kilalanin at pagkatiwalaan siya. Ito ang ibig sabihin ng “inililihis.” Nakakamit ba ng mga taong nalihis ang katotohanan o tumatahak ba sila sa tamang landas? Hindi nila nakakamit ang alinman sa mga bagay na ito. Ang pag-uugali at pagsasagawa ng panlilihis ng mga tao ay talagang negatibo sa halip na positibo. Ang mga taong nalihisay talagang nalinlang; hindi nila nauunawaan ang mga aktuwal na katunayan, ang tunay na sitwasyon, o ang tunay na konteksto, at pagkatapos ay pinipili nila ang maling landas at direksyon, at ang maling tao para sundin. Ito ang epekto ng panlilihis sa mga taong nahuhulog dito. Katulad ito ng mga patalastas sa isang pamilihan: Napakahusay ng pagkakasulat sa mga ito, at kapag nakita ang mga ito ng mga tao, agad nila itong pinaniniwalaan, pero pagkatapos nilang bumili, napapagtanto nilang walang pakinabang ang mga produkto. Pagkakalinlang iyon. Kaya, ano ang layunin sa likod ng pag-asal ng mga anticristo sa paraang nakakapaglihis ng mga tao? Ano ang mga paraang ginagamit nila, ano ang mga salitang sinasabi nila, at ano ang mga bagay na ginagawa nila upang manlihis ng mga tao? Pag-usapan muna natin ang layunin nila. Kung wala talaga silang layunin, kakailanganin ba nilang magsikap o magsabi ng magagandang bagay para mang-akit at manlihis ng mga tao? May kasabihan ang mga hindi mananampalataya, “Walang libreng tanghalian.” Kung hindi mo makikita ang totoo rito, malilinlang ka. Ganito talaga kabuktot ang mundo, nagpapakana ang mga tao laban sa isa’t isa at inaabuso nila ang isa’t isa. Ganito ang buhay ng tiwaling sangkatauhan. Bakit pinagsisikapan ng mga anticristo ang pagsasalita nang paliguy-ligoy upang manlihis ng mga tao? Nagsasalita at kumikilos sila nang may malinaw na layunin, na ito ay ang makipagkompetensiya para sa kapangyarihan at kontrol sa mga tao—walang duda ito. Walang pinagkaiba ang mga layunin nila sa mga layunin ng mga politiko. Kaya, anong mga estratehiya ang ginagamit ng mga anticristo para manlihis ng mga tao? Paano nila ito ginagawa? Una, ineengganyo ka nilang magustuhan sila. Sa sandaling maganda na ang impresyon mo sa kanila, hindi ka na mag-iingat laban sa kanila: Pagkakatiwalaan mo na sila, at pagkatapos ay tatanggapin mo na ang kanilang pamumuno at bukal sa loob kang magpapasakop sa kanila. Magiging handa kang makinig sa anumang sabihin nila at anumang ipagawa nila sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng kahandaang makinig na ito? Ibig sabihin nito ay hindi pagsasagawa ng pagkilatis, at pagsunod at pagpapasakop nang walang mga prinsipyo. Maisasakatuparan ba ng mga anticristo ang epekto ng panlilihis sa mga tao gamit ang mga salita o paraan ng pagkondena? Talagang hindi. Kaya, anong mga paraan ang karaniwan nilang ginagamit upang maisakatuparan ang epektong ito? Kadalasan, gumagamit sila ng mga salitang naaayon sa mga kuru-kuro ng tao pati na ng mga doktrina ng sentimyento ng tao. Minsan ay nagsasalita rin sila ng ilang salita at doktrinang naaayon sa katotohanan. Ginagawa nitong madali para sa kanilang maisakatuparan ang mithiin nilang manlihis ng mga tao, at malamang din na tanggapin sila ng mga tao. Halimbawa, kapag ang mga kapatid ay may ginagawang mali, nagdudulot ng mga kalugihan sa gawain ng iglesia, at negatibo ang pakiramdam at nanghihina, hindi nakikipagbahaginan sa katotohanan ang mga anticristo para suportahan at tulungan ang mga ito. Sa halip, sinasabi nila, “Karaniwang pangyayari sa mga tao ang manghina—normal ito. Madalas din akong mahina. Hindi naaalala ng Diyos ang mga bagay na ito.” Sa realidad, alam ba nila kung naaalala ng Diyos ang mga bagay na ito o hindi? Hindi, hindi nila alam. Sinasabi nila, “Hindi mahalaga kung hindi napangasiwaan nang maayos ang bagay na ito. Itama mo na lang ito sa susunod. Hindi ito alam ng sambahayan ng Diyos, at walang nagtatanong dito. Basta’t hindi ko ito iuulat sa nakakataas, hindi ito malalaman ng nakakataas na pamumuno, at tiyak na hindi ito malalaman ng Itaas, at pagkatapos ay hindi rin ito malalaman ng Diyos—samakatuwid, hindi bibigyang-pansin ng Diyos ang usaping ito. Tayong lahat ay mga tiwaling tao; may katiwalian ka, at ganoon din ako. Bilang lider, para akong isang magulang: Responsabilidad ko ang anumang pagkakamaling nagagawa ninyo. Kasalanan ko ang pagkakaroon ng mababang tayog at na hindi ko nagagawang suportahan at tulungan kayo, na humantong sa inyong paggawa ng mga maling bagay. Kung may mas mataas na tayog ako, natulungan ko sana kayo, at hindi sana kayo nagkamali. Nasa akin ang pananagutan sa bagay na ito. Kahit na puwedeng nakapagdulot ito ng kaunting kawalan sa gawain ng iglesia, puwedeng tayo mismo ang magproseso nito, at iyon na ang magiging katapusan ng usaping ito. Walang dapat magtanong tungkol sa usaping ito, at walang dapat mag-ulat nito sa nakakataas; atin-atin na lang ito. Kung hindi ko ito babanggitin sa ibang kapatid, walang mag-uulat nito sa mga nakakataas, at kakalimutan na ang usaping ito. Kailangan lang nating magdasal at sumumpa sa harap ng Diyos na hindi na natin kailanman uulitin ang ganitong bagay o ang ganitong pagkakamali. Bilang lider, may responsabilidad akong protektahan kayo. Napakatayog ng Diyos—makatotohanan bang hilingin natin ang Kanyang proteksyon? Isa pa, hindi pinagkakaabalahan ng Diyos ang maliliit na bagay na ito sa buhay ng mga tao, kaya ang responsabilidad ng pagprotekta sa inyo ay lubos na nagiging pananagutan ko bilang isang lider. Mababa ang tayog ninyo, kaya aakuin ko ang pananagutan kung magkakamali kayo. Huwag kayong mag-alala, kung darating ang panahon na talagang magkakaroon ng problema, at matutuklasan o malalaman ng Itaas ang tungkol dito, ipaglalaban ko kayo.” Kapag narinig ito ng mga tao, iisipin nila, “Mabuti ito! Alalang-alala ako sa pag-ako ng responsabilidad—napakabuti ng lider na ito!” Hindi ba’t nalihis na sila? May anumang bagay bang naaayon sa katotohanan sa sinabi ng mga anticristo? May anumang bagay bang kapaki-pakinabang o nakakapagpalakas sa mga tao? May anumang bagay bang nangangasiwa sa mga usapin batay sa mga prinsipyo? (Wala.) Kaya, anong uri ng mga salita ang mga ito? Ang mga ito ay mga salitang gumagamit ng mga sentimyento, pakikiramay, at kapatawaran ng tao upang bumuo ng mga ugnayan, nagbibigay-diin sa mga damdamin at pakikipagkaibigan, para dalhin ang relasyon sa isang partikular na antas, ipinaparamdam sa mga tao na ang mga anticristo ay partikular na maunawain, partikular na mapagpatawad at mapagparaya sa mga tao. Pero walang mga prinsipyo o mga katotohanan dito. Ano ang mababaw na pang-unawang ito? Pagbabale-wala lang ito sa mga bagay-bagay, para itong panunuyo ng isang bata. Anong mga estratehiya ang ginagamit dito? Panunuyo, panlilinlang, pagbuo ng mga koneksyon, pagbabale-wala sa mga bagay-bagay, at pagkukunwaring isang mabuting tao, lahat sa kapinsalaan ng mga interes ng mga kapatid, at pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, upang maisakatuparan ang mithiin nilang manloko at manlihis ng mga tao. Ano ang pangwakas na kahihinatnan nito? Idinudulot nito sa mga taong lumayo sa Diyos, mag-ingat laban sa Diyos, at mas mapalapit sa mga anticristo. Kahit pagkatapos malihis, sinasabi ng mga taong ito, “Pagkatapos ng pagkakamali kong iyon, alalang-alala ako. Maraming beses akong nagdasal sa Diyos, pero hindi Niya pinagaan ang loob ko. Nanghina at nabalisa ang puso ko, at wala akong mahanap na kalutasan sa Diyos. Pero ngayon ay ayos na ito; basta’t lalapit ako sa lider, malulutas ang lahat ng problema ko. Talagang napakaswerte kong magkaroon ng ganoong lider. Ang lider namin ay mahusay kaysa sa sinuman!” Sa puntong ito, nalipat na ang kanilang mga puso at pananaw sa mga anticristo, at nakontrol na sila ng mga ito. Paano sila nakontrol ng mga anticristo? Dahil nakakahanap sila ng pakiramdam ng kapanatagan sa mga anticristong ito. Nakakatanggap sila ng pakikiramay, at sa kaibuturan ng puso nila ay nakakatanggap sila ng kasiyahan at kaginhawahan. Ipinapakita nito na nalihis na sila.
Dati, natuklasan ng Itaas na may isang taong may masamang pagkatao sa isang partikular na iglesia, na palaging gumagawa ng mga nakakagulo at nakakagambalang bagay nang walang anumang tanda ng pagsisisi, kaya sinabi nila sa lokal na lider ng iglesia na alisin ang taong ito. Nang marinig ito ng lokal na lider ng iglesia, naisip niya, “Alisin siya? Kailangan ko itong pag-isipan. Isa siya sa akin—hindi puwedeng basta-basta na lang ninyo siyang aalisin. Kailangan ko siyang ipaglaban. Hindi nauunawaan ng Itaas ang tunay na kalagayan ng mga bagay-bagay. Talagang sobra naman ang subukang siyang alisin nang ganoon-ganoon lang. Masyado siyang masasaktan!” Sumang-ayon siya sa salita na alisin ang taong ito, pero sa kanyang puso, wala siyang layuning gawin iyon. Alam mo ba kung paano niya ito pinangasiwaan? Pinag-isipan niya ito, “Paano ko tutugunan ang sitwasyong ito sa paraang ang mga taong nasa ilalim ko ay masisiyahan sa akin bilang lider nila at hindi ako kasusuklaman ng Itaas?” Pagkatapos itong pag-isipan, nakabuo siya ng plano. Sama-sama niyang ipinatawag ang lahat para sa isang pagtitipon at sinabi, “Ngayong araw, may espesyal na usapin tayong haharapin. Ano ito? May isang taong hindi masyadong nagugustuhan ng Itaas, at gusto nilang alisin ang taong ito. Kaya, ano ang dapat nating gawin tungkol dito? Pagpasyahan nating lahat kung aalisin natin ang taong ito o hindi sa pamamagitan ng botohan.” Binilang ang resulta ng botohan, at mga 80-90 porsiyento ng mga tao ang sumang-ayon na alisin ang taong ito, pero may ilang botong tutol. Hindi natin pag-uusapan kung ang mga tutol na ito ay mga matibay na tagasunod ng masamang tao o kung ginawa nila ito sa ibang kadahilanan, anu’t ano man, may ilang taong hindi sumang-ayon, at hindi nagkakaisa ang opinyon. Pagkatapos ay sinabi ng lider, “Sa pamamagitan ng botohan, napansin kong may mga magkakaibang tinig. Isa itong mahalagang usapin, at dapat nating igalang ang mga tinig na ito. Kailangan nating magsagawa ng demokrasya. Tingnan ninyo kung gaano kaganda ang Kanluraning sistemang demokratiko: Dapat din tayong magsagawa nang tulad niyon sa iglesia, dapat nating pagsikapan sa abot ng ating makakaya na magkaroon ng demokrasya at mga karapatang pantao. Ngayon, dahil may ilang botong tutol, hindi natin puwedeng alisin ang taong ito. Dapat nating igalang ang mga opinyon ng ating mga kapatid. Sino ang mga kapatid? Sila ay mga hinirang ng Diyos! Hindi natin puwedeng balewalain ang kanilang mga opinyon. Kahit na isa lang sa mga hinirang ng Diyos ang hindi sumasang-ayon, hindi natin puwedeng ituloy ang pag-aalis.” Sa realidad, walang batayan ang sinabi niya, kailanman ay walang ganoong sinabi ang Diyos. Nagsasalita lang siya nang walang katuturan. Kalaunan, nang matuklasan ng Itaas na hindi pa rin naaalis ang masamang tao, hiningi nila sa lokal na lider na madaliin na ito. Nangako siya, na sinasabi “Sige, gagawin ko na ito agad.” Ano ang ibig sabihin ng pangako niya? Ibig sabihin nito ay magpapaliban-liban siya. Inisip niya, “Hinihingi ninyo sa akin na alisin siya, pero hindi ko ito magagawa agad-agad. Malay natin, kung lumipas ang sapat na panahon, baka makalimutan na ninyo ang tungkol dito, at hindi ko na siya kailanganing alisin.” Kalaunan, sama-sama niyang ipinatawag ang lahat para sa isa pang pagtitipon at isa pang botohan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagkilatis, naging malinaw sa lahat na kailangan talagang alisin ang taong iyon. Nabawasan ang mga botong tutol, pero may isa pa ring botong tutol sa pag-aalis sa taong iyon. Hindi na naman ito inalis ng lider, na sinasabi, “Hangga’t may isang botong tutol dito, hindi natin siya puwedeng alisin.” Naisip ng karamihan ng mga tao, “Kung iniutos ng Itaas ang pag-aalis, tanggalin mo na siya. Sigurado namang nakikita ng Itaas ang totoo sa bagay na ito? Sigurado namang hindi sila nagkamali?” Isa bang prinsipyo ang pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Itaas? Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Hindi alam ng lider na ito na ito ang katotohanan. Ano ang ginawa niya? Sinabi niya, “May isa pa ring botong laban dito, kaya hindi natin siya puwedeng alisin. Dapat nating lubos na igalang ang mga opinyon ng ating mga kapatid. Ito ang tinatawag na pinakamataas na karapatang pantao.” Kalaunan, nang muling nagtanong ang Itaas tungkol sa usaping ito, patuloy silang pinakitunguhan ng lider sa isang pabasta-bastang paraan at patuloy na nagpaliban-liban. Sa huli, nang makita ng Itaas na hindi niya inaalis ang masamang tao, tinanggal at inalis din nila siya. Ginawa siya ng Itaas na lider, at hindi siya nakinig sa kanila; may awtoridad ang Itaas na gamitin siya at tanggalin siya—isa itong atas administratibo. Kasunod nito, inalis din ang mga kakampi niya. Kailangan bang pagbotohan ng lahat ang mga pagsasaayos ng Itaas? (Hindi.) Bakit hindi? Hindi ninyo maipaliwanag kung bakit; mukhang medyo katulad kayo ng naguguluhang lider na iyon, tama ba? Sabihin ninyo sa Akin, ang mga salita bang ito na ibinabahagi Ko sa inyo ay mga doktrina o mga realidad? (Mga realidad.) Kung isasagawa at ipapatupad ng mga tao ang mga ito, magiging tumpak ba ito? (Oo.) Kung tumpak ito, kailangan ba itong pagbotohan ng lahat? (Hindi.) Makakaagrabyado ba ng isang tao ang Itaas sa pag-uutos na alisin sila? Talagang hindi. Kaya, nang iutos ng Itaas ang pag-aalis sa masamang taong ito, at tumanggi ang lider na isakatuparan ito, ano ang problema rito? (Lantarang paglaban.) Higit pa ito sa basta lantarang paglaban, paglikha ito ng nagsasariling kaharian. Nang iutos ng Itaas ang pag-aalis sa masamang tao, nagpaliban-liban ang huwad na lider at hindi niya ito isinakatuparan, at nagdaos pa nga siya ng botohan at sinukat ang opinyon ng madla. Anong opinyon ng madla ang sinusukat niya? Ano ang opinyon ng madla? Ano ang karamihan? Nauunawaan ba o tinataglay ng karamihan ng mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Kung ni hindi nagtataglay ng pagkilatis ang karamihan ng mga tao, puwede ba silang maging mga taong nakakaunawa sa katotohanan? Sinukat pa nga ng lider na ito ang opinyon ng madla—talaga bang makakalutas iyon ng anumang problema? Kinakailangan ba ito? Ang karamihan ng mga tao ay walang pagkilatis, at personal na pinamahalaan at iniutos ng Itaas ang pag-aalis sa masamang tao, pero nagpaliban-liban ang anticristong ito at hindi niya inalis ang taong ito, kinakanlong at pinagtatakpan ang isang masamang tao, hinahayaan itong manatili sa iglesia at magdulot ng mga kaguluhan. Saanman may masasamang tao, may kaguluhan at kawalan ng kaayusan. Hindi nagagawa ng mga hinirang ng Diyos ang kanilang mga tungkulin nang normal, at hindi nakakausad ang gawain ng iglesia nang normal. Tanging ang agad na pag-aalis sa masasamang tao ang makakatiyak na uusad nang normal ang gawain ng iglesia. Gayunpaman, sa mga lugar kung saan may hawak na kapangyarihan ang mga anticristo, ang mga taong namiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, nagdudulot ng mga kaguluhan, kumikilos sa hindi makatwirang paraan, at gumagawa ng kanilang mga tungkulin nang walang kahit kaunting sinseridad, ay hindi maaalis. Ang mga anticristo ay nagwawala sa paggawa ng kasamaan sa iglesia, kinakanlong at pinagtatakpan ang masasamang tao at hindi mananampalatayang iyon. Ano ang palusot nila sa paggawa nito? Ang palusot na mga opisyal sila, kaya sila ang dapat na maging mga panginoon ng ibang tao. Pinoporma nila ang kanilang sarili bilang mga opisyal sa sambahayan ng Diyos, at gusto nilang maging mga panginoon ng ibang tao. Sabihin ninyo sa Akin, sino ang panginoon ng tao? (Ang Diyos.) Ang Diyos at ang katotohanan ang Panginoon ng tao. Walang halaga ang mga anticristong iyon! Gusto nilang maging mga panginoon ng mga taong ito, pero ni hindi nila alam kung sino ang panginoon nila! Hindi ba’t mga kawatan sila? Ginagamit ng mga anticristo ang paraang ito upang sabihin sa mga tao: “Kaya kong maging panginoon ninyo. Kung kayo ay may anumang hinaing, anumang pagkadiskontento, o kung dumanas kayo ng anumang kawalang-katarungan o paghihirap, bilang lider ninyo, kaya ko itong ayusin para sa inyo.” Pagkatapos ay nalilihis ng mga anticristong iyon ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan o sa mga aktuwal na katunayan. Itinuturing sila ng mga ito bilang mga amo at Diyos na susundin at sasambahin. Ano ang nararamdaman ng mga nakakaunawa sa katotohanan kapag nakakaharap nila ang ganoong mga anticristo? Nasusuklam sila at kinamumuhian nila ang mga ito, sinasabing, “Gusto mong maging panginoon namin at kontrolin kami? Manigas ka! Pinili ka namin bilang lider namin para akayin mo kami sa harapan ng Diyos, hindi sa harapan mo.” Ibig sabihin nito ay nakita na nila ang totoo sa mga pakana ng mga anticristo. Ang mga anticristo ay nanlilihis ng mga tao sa palusot na pagiging mga panginoon ng mga tao, ipinapaisip sa mga tao na naaayon ito sa mga pangangailangan ng mga ito, emosyonal man ito, sikolohikal, espirituwal, o ibang pangangailangan. Ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan o sa mga aktuwal na katunayan ay madalas na nabibiktima ng panlilihis ng mga anticristo, hanggang sa puntong pagkatapos silang malihis, hindi lang sa baka hindi na nila magawang makabalik at makapagnilay-nilay, kundi baka magsalita pa nga sila para sa mga anticristong iyon at ipagtanggol ang mga ito. Ang katunayang kaya nilang magsalita para sa mga anticristo at ipagtanggol ang mga ito ay sapat na nagpapakita na tunay na silang nalihis—hindi ba’t ito ang kaso? (Oo.) Bakit sumasampalataya ang mga tao sa Diyos? Hindi ba’t para magtamo ng kaligtasan? Kung susunod ka sa mga anticristo, hindi ba’t nilalabanan mo ang Diyos at ipinagkakanulo Siya? Hindi ba’t pumapanig ka sa mga puwersang mapanlaban sa Diyos? Kung ganoon, gugustuhin ka pa rin ba ng Diyos? Kung sa pangalan ay susunod ka sa Diyos, pero susunod ka naman sa isang tao, paano ka titingnan at haharapin ng Diyos? Kung tatanggihan mo ang Diyos, hindi ba’t itataboy ka Niya? Kung ni hindi nauunawaan ng mga tao ang kaunting doktrinang ito, mauunawaan ba nila ang katotohanan? Hindi ba’t magulo ang isip ng mga taong ito?
Hindi isang paminsan-minsang pagpapamalas ng mga anticristo ang panlilihis ng mga tao; madalas nila itong ginagawa, ito ang kanilang hindi nagbabagong prinsipyo sa pagkilos, o puwedeng sabihing ito ang kanilang batayan, paraan, at kalakaran sa paggawa ng mga bagay-bagay—ito ang hindi nagbabagong estilo ng kanilang mga kilos. Kung hindi, sino na lang ang titingala sa kanila? Una sa lahat, hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Pangalawa, may masamang pagkatao sila. Pangatlo, wala rin silang may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya paano nila nagagawang ganap na sumuko sa kanila, tumingala sa kanila, at humanga sa kanila ang mga tao? Sumasandig sila sa iba’t ibang diskarte at paraan upang magpasikat, ineengganyo ang mga taong tingalain at sambahin sila. Ginagamit nila ang mga paraang ito upang manlihis ng mga tao, binibigyan ang mga ito ng mga partikular na maling impresyon, ipinapakita sa mga ito na espirituwal sila, minamahal nila ang Diyos, nagbabayad sila ng halaga, madalas silang nagsasabi ng mga tamang salita at nagmumungkahi ng mga tamang teorya, at iniingatan nila ang mga interes ng mga kapatid. Pagkatapos, ginagamit nila ang mga maling impresyon na ito upang lumikha sa mga tao ng pakiramdam ng paggalang at paghanga, naisasakatuparan nila ang kanilang mithiing makapanlihis ng mga tao at mapasunod ang mga ito. Kapag nanlilihis sila ng mga tao nang ganito, naaayon ba sa katotohanan ang mga bagay na ginagawa nila? Bagama’t sinasabi nila ang lahat ng tamang bagay, tiyak na hindi ito naaayon sa katotohanan. Hindi makikita ng mga taong walang pagkilatis ang problema. Tungkol sa diwa ng panlilihis ng mga tao, dahil sa kanilang mga kilos ay nagiging mahirap para sa mga taong makita na hindi sila naaayon sa katotohanan. Kung makikita ito, hindi ba’t mahahalata ng mga tao ang panloloko nila? Sa realidad, ang ginagawa at ang ibinubunyag nila ay isang huwad na espirituwalidad. Kaya, ano ang pagpapamalas ng huwad na espirituwalidad? Marami sa mga pag-uugali, kilos, at kasabihang nabibilang sa huwad na espirituwalidad ay tila tama, pero sa totoo ay mga panlabas na kilos lang ang mga iyon, at walang kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan. Katulad lang ng mga Pariseong lumaban sa Panginoong Jesus: Bitbit nila ang mga Kasulatan at nagdarasal sila nang malakas sa mga kanto, sinasabing “O Panginoon ko…,” ipinapakita sa mga tao ang kanilang kabanalan. Ang resulta, sa panahon ngayon naging alternatibong termino na ang “Pariseo” para sa mga taong mapagpaimbabaw. Aling pang-uri ang nilalagay sa unahan ng Pariseo? Mapagpaimbabaw. Sa katunayan, kahit hindi sabihin ang “mapagpaimbabaw,” sa panahon ngayon ay kailangan mo lang banggitin ang salitang “Pariseo” para maging malinaw na hindi ito isang positibong termino—katulad ito ng “kawatan” o “diyablo” at taglay ang parehong kahulugan. Tungkol sa huwad na espirituwalidad, sa panahon ngayon, kaunting tao lang ang tumatalakay sa espirituwalidad, at sa tuwing may magbabanggit sa espirituwalidad, ano ang dinaragdag nila sa unahan nito? (Huwad.) Tama, huwad. Ang pagpapamalas ng mga anticristo ng maraming beses na panlilihis sa mga tao, sa totoo, ay isang pagpapamalas ng huwad na espirituwalidad. Ang mga salita, kilos, at pag-uugaling nauugnay sa huwad na espirituwalidad ay kadalasang tila mabuti, medyo masigasig, at naaayon sa katotohanan. Kapag nakikita nilang nanghihina ang isang tao, kinakalimutan nila ang pagkain nila at nagmamadaling suportahan ito. Kapag nakikita nilang ang isang tao ay may problema sa tahanan, pinababayaan na nila ang mga personal nilang gawain at nagmamadaling tulungan ito. Gayunpaman, ang kanilang pagtulong ay binubuo ng pagbanggit ng mga partikular na tamang salita o mga masarap pakinggan at nakakaunawang salita, pero pagkatapos ng napakaraming talakayan, hindi naman talaga nalulutas ang mga aktuwal na isyu ng taong iyon. Ano ang layunin ng pagkilos nila nang ganito? Sadyang naaantig ang mga tao sa pag-uugali nila, at pakiramdam ng mga ito ay mabuti ang pagkakaroon ng ganitong lider na maaasahan sa mga panahon ng pangangailangan—talagang masaya ang mga ito. Samakatuwid, masasabi na hindi lang gumagamit ang mga anticristo ng mga salita upang manlihis ng mga tao, kundi kasabay nito ay gumagamit din sila ng iba’t ibang pag-uugali upang ilihis ang mga ito, upang mapaniwala ang mga tao na masyado silang espirituwal, pambihira, at karapat-dapat sa tiwala at pagsandig ng mga ito. Puwede pa ngang isipin ng ilan, “Parang masyadong abstrakto ang pananampalataya sa Diyos, pero ang pananampalataya sa aming lider ay praktikal. Lubos itong tunay at totoo: Mahahawakan at makikita mo siya, at kapag may mga bagay kang hinaharap ay puwede mo siyang tanungin at kausapin nang direkta. Talagang maganda iyon!” Sa pagkakamit ng ganoong mga resulta, naabot ng mga anticristo ang mga layunin nila, pero ang mga taong nalihis nila ay nauuwing miserable. Pagkatapos malihis ng mga anticristo sa loob ng ilang panahon, kapag ang mga taong ito ay muling humarap sa Diyos, hindi na nila alam kung paano magdasal o buksan ang puso nila sa Kanya. Higit pa rito, kapag nagsasama-sama ang mga taong ito, sila ay nagbobolahan, nagkukunwaring espirituwal, at nanlilihis at nandaraya sa isa’t isa. Sa huli, sinasabi pa nga ng mga anticristo, “Ang bawat kapatid sa ating iglesia ay nagmamahal sa Diyos. Kapag nahaharap sa mga isyu, bawat isa sa kanila ay tumutugon nang tama sa sitwasyon—kahit na maaresto sila ng malaking pulang dragon, kaya nilang lahat na manindigan sa kanilang patotoo. Hindi magkakaroon ng kahit isang Judas sa atin—tinitiyak ko ito!” Ang nangyari, nang maaresto sila, karamihan sa kanila ay naging Judas. Hindi ba’t isang grupo sila ng mga kawatan? Ginagamit ng mga anticristo ang mga walang kabuluhang salita at islogang ito upang lokohin, ilihis, at dayain ang mga kapatid. Karamihan ng mga tao ay hangal at ignorante, walang pagkilatis, at pinapayagan ang mga anticristo na umasal nang walang pakundangan. Matagal nang binigyang-diin ng mga pagsasagawa ng gawaing mula sa Itaas kung paano pangangasiwaan ang mga sitwasyon kapag dumating ang mga iyon at kung anong gawain ang isasakatuparan, na ang layunin ay tiyaking magagawa ng lahat ng hinirang ng Diyos ang kanilang mga tungkulin sa isang ligtas na kapaligiran. Kapag nagkaroon ng mga pag-aresto at pag-uusig, dapat na mabawasan ang mga kawalan hangga’t maaari. Kung ang lahat ng hinirang ng Diyos ay maaaresto at makukulong, na ganap na mawawala ang kanilang buhay-iglesia, hindi ba’t hahantong ito sa kakulangan sa kanilang buhay pagpasok? Kapag hindi nakakakain at nakakainom ng mga salita ng Diyos sa kulungan, magiging ganap ba ang buhay ng isang tao? Kaunting salita lang ng mga himno ang kaya nilang matandaaan, at bawat araw ay nakasalalay ang kanilang buhay sa kaunting salitang iyon. Kapag nagdarasal sila sa gabi, nagagawa lang nila ito nang tahimik sa kanilang puso, at hindi sila nangangahas na igalaw ang kanilang mga labi. Ang tanging naiwan sa kanilang puso ay ang mga kaisipang tulad ng, “Huwag kang magtaksil, huwag kang maging Judas, manindigan ka sa patotoo sa Diyos at luwalhatiin mo Siya, huwag mo Siyang bigyan ng kahihiyan,” wala nang iba—ganoon lang kaliit ang taglay na tayog ng mga tao. Hindi isinaalang-alang ng mga anticristo ang mga bagay na ito. Bakit sila tinawag na mga anticristo? Inaabuso nila ang iba at pinipinsala ang mga kapatid nang walang pag-aatubili! Hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas na gawin ng mga tao ang tungkulin nila sa isang ligtas na konteksto at umiwas sa mga aksidente hangga’t maaari, pero hindi sumusunod ang mga anticristo sa mga pagsasaayos ng gawain na ito kapag ginagawa nila ang kanilang mga trabaho. Sumisigaw at pikit-mata silang kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, ipinagwawalang-bahala ang kaligtasan. May ilang hangal na indibidwal na walang pagkilatis at nag-iisip, “Bakit ba palaging binabanggit ng Itaas ang kaligtasan? Bakit ba takot na takot sila sa mga aksidente? Ano ba ang dapat katakutan? Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos!” Hindi ba’t kahangalan na magsabi ng ganoong mga bagay? Puwedeng mababa ang tayog mo, puwedeng wala kang pang-unawa, at puwedeng hindi mo makita ang totoo sa mga usapin, pero hindi ka puwedeng kumilos nang may kahangalan! Isinaayos ng Itaas kung paano dapat magtipon ang mga tao sa mga partikular na sitwasyon, at kung ano ang mga prinsipyong dapat nilang sundin—para saan ang lahat ng detalyadong pagsasaayos na ito? Ang mga ito ay talagang para protektahan ang mga hinirang ng Diyos, nang sa gayon ay makapagtipon-tipon sila at magawa nila nang normal at ligtas ang kanilang mga tungkulin. Ang kaligtasan ay nagbibigay-daan sa iyong patuloy na sumampalataya sa Diyos, isabuhay ang iyong buhay-iglesia at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal. Kung maging ang iyong kaligtasan ay mawawala, kung maaaresto ka ng malaking pulang dragon, at sa kulungan ay hindi ka makakarinig o makakapagbasa ng mga salita ng Diyos, hindi ka makakaawit ng mga himno, at hindi ka makakadalo sa mga pagtitipon—paano ka pa ring makakapanampalataya sa Diyos? Baka maging isa ka lang mananampalataya sa pangalan lang. Walang pakialam ang mga anticristo sa mga usaping ito; wala silang pakialam sa buhay at kamatayan ng mga tao. Alang-alang sa pagbibigay ng kasiyahan sa sarili nilang mga ambisyon at pagnanais, hinihikayat nila ang lahat na tumindig at pikit-matang sumigaw, “Hindi kami natatakot sa mga pangyayari—nasa amin ang Diyos!” Walang anumang nauunawaan ang mga hangal na tao at nalilihis ang mga ito ng mga salitang ito. Ang lahat ng tao ay may mga malabo at walang kabuluhang kaisipan, na nag-iisip, “Sumasampalataya kami sa Diyos, at pinoprotektahan kami ng Diyos; kung may mangyari sa amin, may pahintulot ito ng Diyos.” Hindi ba’t walang kabuluhan ang mga salitang ito? Ganito kumilos ang mga anticristo at ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan. Kahit na puwedeng ang mga kapatid ay hindi nakakaunawa, bilang mga lider na madalas nakikipagbahaginan sa mga pagsasaayos ng gawain, hindi ka dapat maging ignorante sa mga bagay na ito. Dapat mong isakatuparan ang gawain alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain at hindi dapat palaging gustuhing magsalita nang labis para bigyan ng kasiyahan ang mga ambisyon at pagnanais mo, iniisip pa nga na mas maraming taong nakikinig sa iyo, mas mabuti, at mas maraming mayroon mas nagiging masigasig ang talumpati mo. Upang makuha ang loob ng mga taong nasa ilalim nila at mahikayat ang mga itong makinig sa kanilang direksyon, sama-samang tinitipon ng mga anticristo ang mga taong ito sa libreng oras ng mga ito, nang walang anumang konsiderasyon sa kaligtasan ng kapaligiran, sa huli ay dinadala ang mga taong ito sa kanilang pagbagsak.
Ang mga anticristo ay bihasa sa pagsasabi ng mga dakilang bagay at sa paggamit ng ilang walang kabuluhan, huwad na espirituwal, at mga teoretikal na batayan upang manlihis ng mga tao. Marami na walang pagkilatis ang basta lang nakikinig sa kanila, at sumusunod ang mga ito sa mga anticristo paano man nila minamanipula ang mga ito, na nagreresulta sa gulo at pagkaaresto. Paano puwedeng lumitaw ang mga kaguluhang ito? Puwedeng sabihin ng ilan na ito ay dahil hindi pinrotektahan ng Diyos ang mga taong ito. Pero hindi ba’t pagrereklamo iyon tungkol sa Diyos? Hindi puwedeng isisi sa Diyos ang usaping ito. Pinahihintulutan ng Diyos na maranasan ng mga tao ang Kanyang gawain sa iba’t ibang sitwasyon. Kung isasakatuparan mo ang iyong pagsasagawa alinsunod sa mga prinsipyong batay sa mga pagsasaayos ng gawain, at kapag pinahihintulutan ng kapaligiran, kahit gaano pa karaming tao ang magtipon-tipon, makakakain at makakainom ka ng mga salita ng makakakain at makakainom ka ng mga salita ng Diyos nang normal, mararanasan ang gawain ng Diyos, at magagawa ang mga tungkuling dapat mong gawin, pagkatapos ay aakayin ka ng Diyos at isasakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa iyo. Kung lalabagin mo ang mga hinihinging galing sa Itaas at pikit-mata kang kikilos ayon sa sarili mong kalooban, at may mangyari, kahangalan at kamangmangan lang iyon. Hindi nilalayon ng Diyos na ipakulong ang lahat ng tao upang pinuhin sila. Ang Kanyang kalooban ay ang maayos na makakain at makainom ng Kanyang mga salita ang bawat tao at makaranas ng Kanyang gawain. Gayunpaman, hindi ito nauunawaan ng mga anticristo. Pinaniniwalaan nila ang sarili nilang lohika, iniisip na sa pamamagitan ng proteksyon ng Diyos, walang dapat katakutan. Wala silang pang-unawa sa mga prinsipyo ng proteksyon ng Diyos at pikit-mata silang sumusunod sa mga patakaran, palaging binibigyang-kahulugan ang Diyos. Maraming tao ang nalilihis nila at kasama nilang kumikilos nang pikit-mata, ipinagwawalang-bahala ang mga pagsasaayos galing sa Itaas, at bilang resulta, may nangyayari at sila ay naaaresto at dumaranas ng pagpapahirap sa kulungan. Anong uri ng tayog ang taglay ng mga taong ito kapag nagkakaroon ng problema? May kaunting sigasig lang sila, nakakaunawa sila ng kaunting doktrina, at kaya nilang sumigaw ng ilang islogan, pero wala silang anumang kaalaman tungkol sa Diyos, wala silang tunay na pang-unawa, kaalaman, o karanasan sa katotohanan, at walang pang-unawa ng kung paano gumagawa ang Diyos upang iligtas ang mga tao. Sumasandig lang sila sa sigasig para sumunod sa Diyos at may kaunting determinasyon. Kaya ba ng mga taong may ganitong uri ng tayog na magbigay ng patotoo kapag sila ay naaresto at nakulong? Talagang hindi. Sa sandaling magtaksil sila, ano ang mga kahihinatnan? Nagsisimula silang mag-isip, “Hindi ba’t makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Ang lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay, kaya bakit hindi Niya ako iligtas? Bakit hinahayaan Niya akong magdusa nang ganito? May Diyos nga ba talaga? Posible kayang nagkamali kami sa pagiging masyadong masigasig? Kung nailigaw kami ng aming mga lider, bakit hindi sila dinidisiplina ng Diyos? Bakit kami dinala rito ng Diyos? Bakit pinahintulutan Niyang maharap kami sa ganitong pangyayari?” Nagsisimulang lumitaw ang mga paninisi, na agad sinusundan ng pagtatatwa sa Diyos: “Ang mga kilos ng Diyos ay hindi naaayon sa kalooban ng tao. Puwedeng hindi palaging tama ang Kanyang mga kilos, at puwedeng hindi naman talaga Siya ang katotohanan.” Sa huli, pagkatapos magdusa nang labis at pagtiisan ito sa loob ng ilang panahon, kahit ang kaunting doktrinang kanilang nalalaman at ang kaunting sigasig na taglay nila ay naglalaho. Itinatatwa nila ang Diyos at nawawalan sila ng pananampalataya, nagiging Judas pa nga. Pagkatapos mapalaya sa kulungan, iniisip pa nga nila, “Ngayon ay hinding-hindi ko na ulit kailangang alalahanin ang mga pangyayari. Tingnan ninyo kung gaano kaganda ang kalagayan ng mga taong hindi sumasampalataya sa Diyos: Mayroon silang labis-labis na kalayaan doon sa labas. Anong ginagawa natin na sumasampalataya nang palihim? Kung ipinagbabawal ng bansa ang pananampalataya, itigil na lang natin ang pananampalataya.” Kalaunan ba ay kaya pa ring sumampalataya sa Diyos ng ganoong mga tao? (Hindi na.) Bakit hindi na nila kaya? Hindi na sila gusto ng Diyos. Minsan ka lang pipiliin ng Diyos, at nawala na ang tsansa mo, kaya hindi ka na gugustuhin ng Diyos sa pangalawang pagkakataon. Ano ang pag-asa ng ganoong mga tao na magkamit ng kaligtasan? Wala, wala nang natitirang pag-asa. Ito ang kahihinatnang sa huli ay idinudulot ng mga anticristo sa pamamagitan ng pag-asal nang walang pakundangan at paggamit ng mga partikular na huwad na espirituwal na teorya upang manlihis ng mga tao, na nagdudulot sa mga itong maghangad ng panlabas na espirituwalidad at sigasig. Ano ang kinahinatnan? (Nasira sila.) Kung ililigtas man ng Diyos ang mga taong ito o hindi ay desisyon ng Diyos, pero kahit papaano sa ngayon, tila kapag umabot na sa puntong ito ang landas ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos, ang mga oportunidad at destinasyon nila ay talagang nasira. Kapag ang lahat ng ito ay nauwi rito, sino ang nagdulot nito? Ang mga anticristo ang nagdulot nito. Kung hindi sila masyadong pikit-matang kumilos sa halip ay kumilos sila alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain, pinangungunahan ang mga kapatid alinsunod sa mga hinihingi galing sa Itaas, at dinadala ang lahat ng tao sa harapan ng Diyos, hindi sana nangyari ang mga bagay na ito. May pag-asa pa rin ba sanang maligtas ang mga taong ito? (Oo.) Magkakaroon pa rin ng pag-asang maligtas ang mga taong ito. Dahil lubhang lumaki ang mga ambisyon at pagnanais ng mga anticristo, kung walang magpoprotekta sa kanila at makikinig sa kanila, pakiramdam nila ay nakakatamad at nakakainip ang buhay nila. Tinatrato nila ang mga taong iyon na naguguluhan bilang walang halagang tauhan at mga laruang mamanipulahin, pinapasunod silang lahat sa kanilang halimbawa. Pakiramdam nila ay may kakayahan sila at nagtataglay sila ng mga kasiyahan, at na makabuluhan ang buhay na ito. Para bigyan ng kasiyahan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, ginagamit nila ang mga tinatawag na espirituwal at masarap-pakinggang salitang ito upang ilihis ang mga taong sumusunod sa kanila, at pagkatapos malihis ang mga ito, ginagawang tumaliwas ang mga ito sa tunay na daan at sa mga salita ng Diyos, ilayo ang mga sarili nito sa Diyos at sumunod sa kanila, at tahakin ang landas ng mga anticristo. Ano ang pangwakas na resulta? Nasira ang mga oportunidad at destinasyon ng mga taong ito, at nawala ang tsansa ng mga itong maligtas. Ano ang mga kahihinatnan kapag ang mga tao ay hindi sumasampalataya nang maayos sa Diyos kundi sumusunod sa ibang tao? Naiinggit pa rin ba kayo sa sinumang parang espirituwal? (Hindi na.) Paano naman ang terminong “espirituwal”? Wala itong kabuluhan. Ang mga tao ay sa laman—sila ay mga nilikha. Kung tunay kang espirituwal, hindi na iiral ang iyong laman, at gaano ka na kaespirituwal kung ganoon? Hindi ba’t walang kabuluhang pananalita lang iyon? Kaya, nakita mo, walang batayan ang mismong terminong “espirituwal”; walang kabuluhang pananalita lang ito. Sa hinaharap, kung makakarinig ka ng isang taong nagsasabing naghahangad siya ng espirituwalidad, sabihin mo sa kanya, “Dapat mong hangaring maging isang matapat na tao at ang pamumuhay sa harapan ng Diyos—mas makatotohanan iyon. Kung hahangarin mo ang espirituwalidad, wala itong patutunguhan! Huwag na huwag mong hahangarin ang espirituwalidad; hindi ito isang bagay na hinahangad ng mga tao—talagang wala itong batayan.” Sabihin ninyo sa Akin, pagkatapos sumampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, sino ang naging espirituwal na tao? Ang mga tanyag na tao at mga tagapagpaliwanag ng Bibliya ng mga relihiyon, espirituwal ba sila? Lahat sila ay mga mapagpaimbabaw, wala ni isa sa kanila ang espirituwal. Ginagamit ng mga taong nag-imbento ng terminong “espirituwal” ang walang kabuluhang salitang ito upang manlihis ng iba. Sila ay mga kawatan at diyablo. Anong uri ng tao ang makakapagsabi ng ganoong mga walang kabuluhang bagay? May espirituwal na pang-unawa ba sila? (Wala silang espirituwal na pang-unawa.) Kung ni hindi mo maintindihan kung ano ang dapat hangarin ng mga tao kapag sumasampalataya sila sa Diyos o kung saan sila dapat na mapabilang, mauunawaan mo ba ang katotohanan? Isa kang likas na nilikha, isang miyembro ng sangkatauhan na nagawang tiwali ni Satanas. Kung gusto mong pag-usapan ang tungkol sa pagiging kabilang sa isang bagay, nabibilang ka sa laman—iyon ang katangian ng mga tao. Siyempre, kung hinahangad mong maging sa laman, nabibilang ka kay Satanas: Pagtahak iyon sa landas ng mundo. Ang mga taong sumasampalataya sa Diyos ay dapat na maghangad sa katotohanan—tama iyon. Kung hinahangad ng mga taong maging espirituwal o maging pagmamay-ari ng Diyos, maaabot ba nila ang bagay na ito? Kahit paano pa nila ito hangarin, wala itong saysay. Hindi ito ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Samakatuwid, ang paghahangad na maging espirituwal o maging pagmamay-ari ng Diyos ay isa lang salawikain, isang huwad na espirituwal na teorya, na walang kaugnayan sa katotohanan. Kung sumasampalataya ka sa Diyos at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong isakatuparan nang maayos ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at magawang magpasakop sa Diyos at magbigay-lugod sa Kanya. Ito ang katotohanang realidad.
Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan ng mga anticristo, hindi nila maunawaan ang katotohanan. Ang kanilang nauunawaan at kayang bigkasin ay pawang doktrina. Tinatanggap nila ang mga salitang kaya nilang arukin at tinatandaan at pinoproseso ang mga iyon sa kaisipan nila upang gawing mga espirituwal na doktrinang naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at pagkatapos ay walang pakundangang ipinapalaganap ang mga iyon, ipinapaliwanag ang mga iyon sa iba. Kapag naririnig ang mga ito ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa at hindi nakakaunawa sa katotohanan, pakiramdam nila ay ganap na makatwiran ang mga ito at handa silang tanggapin ang mga ito. Bilang resulta, sila ay nalilihis at nagsisimulang sumamba sa mga anticristo. Doon nagkakaroon ng problema. Sa realidad, hindi talaga nauunawaan ng mga anticristo ang katotohanan. Kung pakikinggan mo nang mabuti at kikilatisin ang mga tinatawag na tamang salita nila, makikita mong ang mga iyon ay mga walang kabuluhang teorya na naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Siyempre, iniisip ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan na tama ang mga salitang ito at madali silang nalilinlang ng mga ito. Naranasan na ba ninyo ang ganoong mga sitwasyon? Makakapagbigay ba kayo ng mga halimbawa? Kung makakapagbigay kayo ng mga halimbawa at malinaw na makikita kung paano nanlilihis ng iba ang mga taong bihasa sa pagbigkas ng mga salita at doktrina, pinatutunayan nitong nauunawaan ninyo at kaya ninyong gamitin ang mga iyon. Kung hindi kayo makapagbigay ng mga halimbawa, ipinapahiwatig nitong hindi pa ninyo nauunawaan ang mga iyon at hindi ninyo kayang gamitin ang mga iyon. Kapag nakipagkita kayo sa mga taong bihasa sa pagbigkas ng mga salita at doktrina, tiyak na hindi ninyo sila makikilatis. (Nalagay na ako sa ganoong kalagayan. Kapag nahaharap ang mga kapatid sa pagpupungos, pagtutuwid at pagdidisiplina, at hindi nila nauunawaan ang layunin ng Diyos, lumalapit sila sa akin upang maghanap na kasama ako. Ang totoo, hindi ko rin nauunawaan ang layunin ng Diyos o ang diwa ng mga usaping ito. Pero sinasabihan ko sila ng ilang walang kabuluhang salita, halimbawa, “Ang pagpupungos, pagwawasto, pagtutuwid, at pagdidisiplina ay pawang pagmamahal ng Diyos at pagliligtas ng Diyos. Ganito tinutugunan ng Diyos ang ating mga tiwaling disposisyon.” Kahit habang sinasabi ito, nararamdaman kong hindi ko lubos na naipaliwanag sa kanila ang diwa ng kanilang problema, katulad ng kung bakit nahaharap sila sa pangyayaring ito, kung sa anong uri ng tiwaling disposisyon nabibilang ang kanilang mga kilos at paghahayag o kung ano ang posibleng kalikasan ng mga ito, at kung ano ang layunin ng Diyos—hindi ko nagawang makipagbahaginan sa kanila sa mga bagay na ito at higit pa. Nagbanggit lang ako ng ilang tamang doktrina at masarap-pakinggang islogan, na talagang hindi nakakatulong sa kahit kanino.) Ito ay dahil ikaw mismo ay walang malinaw na pang-unawa sa katotohanan, kaya hindi mo kayang lutasin ang mga tunay na problema ng iyong mga kapatid. Kaya, may pagkakaiba ba sa pagitan nito at ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao? Hindi tumutulong ang mga anticristo sa mga tao dala ng kagandahang-loob; ang motibo at layunin nila ay ang ilihis at kontrolin ang mga ito. Kapag gumagawa ang mga anticristo ng ganitong mga bagay, at kapag sumisigaw sila ng mga islogan, tingnan mo ang pag-uugali nila at kung anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nila—ito ang susi sa pagkilatis sa mga anticristo. May ilang taong mababa ang tayog, at walang malinaw na pang-unawa sa katotohanan. Puwedeng hindi maisakatuparan ng tindi ng kanilang paggawa ang mga kailangang resulta, pero wala silang motibo o layuning manlihis o magkontrol ng mga tao. Gusto rin nilang akayin ang mga tao sa harapan ng Diyos—iyon nga lang ay kinakapos ang kakayahan nila sa kanilang pagnanais. Kahit na hindi sila nagkamit ng mga malinaw na resulta, nakikita ng mga tao na tama ang mga layunin nila, na gusto nilang akayin ang mga tao sa harapan ng Diyos. Gayumpaman, ano ang layunin ng mga anticristo? (Ang makuha ang pagsang-ayon ng mga tao, at pakinggan at sundin sila ng mga tao.) Kaya, ano ang pagkakaiba ng sinasabi nila at ng taong kinakapos ang kakayahan sa pagnanais nito? Ang taong kapos ang kakayahan ay nagsasalita nang mula sa puso, pero hindi niya nakikita ang totoo sa diwa at ugat ng problema; hindi niya ito malinaw na naibabahagi, at sa huli, hindi niya nalulutas ang isyu o natutustusan ang iba. Ngayon, ano ang mga salita ng isang anticristo? Galing ba ang mga ito sa puso niya? (Hindi ito galing sa puso niya.) Malinaw na hindi ito galing sa puso niya: Puro kasinungalingan ang sinasabi niya. Bakit kailangan niyang magsabi ng mga kasinungalingan? Gusto ka niyang dayain at ilihis. Ang ibig niyang sabihin ay, “Natapos ko na ang gawaing dapat kong gawin bilang isang lider, naibahagi ko na ang dapat, at ang lahat ng sinabi ko ay tama. Kung hindi mo tatanggapin ang mga ito at hindi pa rin malulutas ang problema, kasalanan mo ito—huwag mo akong sisihin.” Hindi niya totoong gustong lutasin ang mga problema mo, kundi iniraraos lang niya ang gawain, wala siyang magawa kundi sabihin ang mga bagay na ito para mapanatili ang katayuan niya. Labag sa loob niyang sinasabi ang mga bagay na ito, at kahit na sabihin niya ang mga ito, hindi niya ito ginagawa nang kusa—hindi ito ang tunay na laman ng puso niya. Samakatwid, kadalasan ay natututuhan ng ilang anticristo na magsabi ng ilang tamang salita, tinutulungan ang ibang taong mapagtagumpayan ang pagiging negatibo ng mga ito, pero kapag sila na mismo ang nahaharap sa pagpupungos o sila ay pinalitan, nagiging masyado silang negatibo, hindi nila nagagawang kilalanin nang lubusan ang kanilang sarili, at kinakailangan nilang sumandig sa mga kapatid upang tulungan sila. Nangyari na ba ito? (Oo.) Masyadong madalas nangyayari ang ganitong uri ng bagay. Ang mga salita at doktrinang palaging ipinangangaral ng mga anticristo sa iba ay ni hindi nakakatulong sa kanila. Kaya, sa kaibuturan ba nila nanggagaling ang mga salitang ito? Bunga ba ang mga ito ng mga aktuwal nilang karanasan? (Hindi.) Kung gayon ang mga sinasabi nila ay mga salita at doktrina lamang, hindi repleksyon ng tunay na tayog nila. Ang gawaing ginagawa nila para tulungan ang iba ay binubuo lamang ng paggamit ng mga maling impresyon, kilos, at magandang pag-uugali para iraos ang gawain, para kilalanin, tanggapin, at sang-ayunan sila ng mga tao bilang lider. Sa sandaling kilalanin sila ng mga tao bilang lider ng mga ito, hindi ba’t sumusuko ang mga ito sa kanila? Kung sumusuko ang mga ito sa kanila, hindi ba’t nagkakaroon ng katayuan ang mga anticristo? Hindi ba’t kung gayon ay matatag na ang kanilang katayuan? Ito mismo ang layunin nila. May ilang lider at manggagawang walang pang-unawa sa katotohanan, at kinakapos ang mga kakayahan nila sa kanilang pagnanais habang pinangangasiwaan ang kanilang gawain. Sa pinakamalubhang kaso ay isa itong tanda ng mababang tayog nila at na hindi sila kwalipikadong lider. Pero kapag gumagawa ang isang anticristo, hindi niya isinasaalang-alang kung kaya niyang tulungan o suportahan ang mga kapatid o hindi. Inisiip niya lang ang sarili niyang katayuan at mga interes. Ito ang pagkakaiba ng dalawa: Magkaiba ang mga disposisyon nila. Samakatwid, kahit na nagsasabi ang anticristo ng maraming masarap-pakinggang salita, hindi sumasalamin ang mga ito sa kanyang realidad. Sinasabi niya ang mga ito nang labag sa kalooban niya; gumagamit lang siya ng ilang doktrina at islogan na tama sa panlabas, o ng mga salitang umaayon sa sentimyento ng tao, para payuhan ang mga tao at gumawa nang pabasta-basta. Bakit kailangan niyang gumawa nang pabasta-basta? Ito ay dahil kung makakakita siya ng isang taong negatibo o mahina at hindi niya ito tutulungan, sasabihin ng iba na hindi siya gumagawa ng aktuwal na gawain at hindi niya tinutupad ang mga responsabilidad niya bilang isang lider. Dahil natatakot sa gayong mga paratang, wala siyang magawa kundi ang kumilos. Samakatwid, ang layunin niya ay hindi lang ang gawin ang kanyang mga tungkulin; natatakot siya na kung hindi siya agad darating kapag nahaharap ang mga kapatid sa mga paghihirap at tulungan at tustusan ang mga ito, na tinutupad ang kanyang mga responsabilidad, hindi na siya susuportahan ng mga ito. Sa susunod na halalan, baka hindi na siya piliin ng mga ito, at hindi na siya magiging tunay na lider, kundi sa halip ay magkakaroon na lang siya ng walang kabuluhang titulo. Ang pagkakaroon lang ba ng walang kabuluhang titulo ang ninanais ng kanyang puso? (Hindi.) Kaya, ano ang gusto niya? Gusto niya ng tunay na kapangyarihan at katayuan, gusto niyang sambahin, suportahan, at sundan siya ng mga kapatid. Samakatwid, pinagsisikapan niyang mahalal bilang lider sa bawat halalan—iyon ang layunin niya.
Ang ilang tinatawag na lider at manggagawa ay nagiging partikular na masigasig habang papalapit ang halalan, ibinabandera ang kanilang sarili sa lahat ng dako at umaasal nang hindi normal. Ang ganitong mga tao ay puwedeng kauri ng mga anticristo. Kung talagang kaya nilang kumilos nang ganito, kasuklam-suklam iyon! Ang isang taong tunay na nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay natural na makokonsensiya sa kanyang puso kapag kumikilos nang may mga motibo at layunin. Dahil napipigilan ng kanyang konsensiya at katwiran, mapapagtanto niyang hindi siya ganoon kasigasig dati, at malinaw na mapapansin ng mga tao ang biglaan niyang sigasig. Maging siya ay nasusuklam sa sarili niya, at mas gugustuhin niyang huwag na lang tumakbo sa halalan kaysa sa kumilos nang ganoon. Dahil napakaraming taon na siyang sumasampalataya sa Diyos at nagkaroon na ng kaunting tayog at kahihiyan, sa huli, nagagawa niyang pigilan ang kanyang sarili. Pero ang mga anticristo ay hindi nagpipigil ng kanilang sarili; ginagawa nila ang gusto nila at kumikilos sila kung paano nila naisin. Mayroon silang mga ambisyon at iba’t ibang motibo, mga layunin, at pakana. Alam nila ang lahat ng ito sa kanilang puso, pero ipinagpipilitan pa rin nilang gawin ang mga bagay sa ganitong paraan, palaging iniisip ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Pakiramdam nila ay masyadong malaking kalugihan at hindi kapaki-pakinabang ang paggawa ng mga bagay para sa iglesia at para sa mga kapatid. Samakatwid, inuuna nila ang kanilang sarili sa lahat ng ginagawa nila, at sarili lang nila ang palagi nilang iniisip. Pagdating ng halalan, ginagawa nila ang makakaya nila para mangampanya sa lahat ng lugar, inililihis at inaakit nila ang mga tao para piliin sila ng mga ito, at palihim pa ngang dinaragdagan ng ilang boto ang sarili nila sa gitna ng botohan. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang pagkilos ng mga anticristo sa ganitong paraan? Kung wala silang mga ambisyon, bakit magsisikap sila nang ganoon? Hindi ba’t malinaw na pagkilos ito ng ambisyon? Sa sandaling may magbanggit na ambisyoso ang isang tao, walang positibo rito; walang dudang kasuklam-suklam at kakila-kilabot ang lahat ng ginagawa ng gayong mga tao. Ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay huwad at mapanlinlang; palagi silang gumagamit ng mga pagkukunwari para manlihis ng mga tao. Nakikita ito ng mga taong hindi nakakaalam ng katotohanan tungkol sa usaping ito at nag-iisip, “Labis nang nagsikap ang lider sa mga nagdaang ilang araw na ito, isinakripisyo ang tulog at pagkain, nagtrabaho nang umaga at gabi, nanguna sa lahat ng bagay. Medyo malaki na ang hirap niya, at napagod na nang husto kaya ang laki na ng ipinayat niya—nadagdagan pa nga ang mga uban niya.” Nakikita ito ng ilang kapatid at naaawa sila sa anticristo, at sa huli, sa panahon ng halalan, ibinoboto nila ito. Hindi ba’t naisakatuparan ng anticristo ang kanyang mithiin? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng magpakana at gumamit ng mga taktika, ito ang ibig sabihin ng pagiging buktot. Samakatwid, inililihis ng mga anticristo ang mga tao hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita kundi sa maraming pagkakataon din ay sa pamamagitan ng mga kilos at pag-uugaling tahimik na nagpapahiwatig sa mga tao kung gaano sila kasigasig, gaano kamapagpasakop, at gaano kamapagmalasakit sa mga kapatid. Ginagamit nila ang mga tila mabuti at tamang pagpapahayag at mga panlabas na pagpapanggap na ito para paulit-ulit na sabihin sa mga tao, paulit-ulit na bigyang-diin, at ipaalam sa mga tao na sila ay mga kwalipikadong lider, mga mabuting lider na dapat tanggapin ng mga tao. Katulad lang ito ng mga halalan sa mga demokratikong bansa, kung saan nag-iikot-ikot ang mga kandidato at nagtatalumpati, nanghihikayat, at nangangampanya sa lahat ng lugar. Nandaraya pa nga sila sa gitna ng proseso ng botohan. Pero hindi nahihiya ang mga taong ito; sinusunod nila ang paniniwalang “Hindi naman tunay na lalaki ang walang kamandag.” Gumagamit sila ng anumang kinakailangang paraan para manalo sa halalan—ito ang kaisipan at pananaw ng mga walang pananampalataya. Ginagawa rin ba ito ng mga anticristong ito? Oo! Alang-alang sa kapangyarihan at katayuan, ang mga indibidwal na ito ay kumikilos nang masigasig at taimtim sa lahat ng bagay, at pinipiga nila ang kanilang utak para magawa ang mga iyon. Hindi sila ganap na kontento sa kapalaran nila. Kaya, kung ang mga taong matindi ang interes sa kapangyarihan at katayuan, ibig sabihin, ang mga taong hindi makontrol ang kanilang mga ambisyon, ay kalaunang mahahalal bilang mga lider, hindi lamang sila sumusunod sa landas ng mga anticristo; baka maging mga anticristo pa nga sila mismo. May mga ambisyon ba kayo? Kaya ba ninyong kontrolin ang mga ambisyon ninyo sa saklaw ng pagkatao at katwiran? Kung kaya ninyong kontrolin ang mga iyon, makakaiwas kayo sa panganib ng pagsunod sa landas ng mga anticristo, at hindi kayo magiging anticristo at matitiwalag. Kung pakiramdam ninyo ay masyadong mataas ang mga ambisyon ninyo, na madalas kayong gumagamit ng anumang paraan alang-alang sa katayuan, at isinasakripisyo pa nga ang pagkain at pag-inom, na handa kayong magtiis ng anumang pagdurusa, at handa pa ngang gumamit ng anumang kasuklam-suklam na paraan, kung umabot na kayo sa puntong wala na kayong kahihiyan at mahirap nang kontrolin ang inyong mga ambisyon, may problema—walang duda na isa ka nang anticristo. Kung nagpapakita ka lang ng mga pagpapamalas ng isang anticristo, may pag-asa ka pa rin sa kaligtasan. Pero malayo ka na ba sa panganib? Hindi pa. Kung ipinakikita mo ang mga pagpapamalas na ito ng isang anticristo, ibig sabihin ay salungat ka pa rin sa Diyos, handang labanan at tanggihan Siya sa anumang oras. O marahil, dahil may nagawa ang Diyos na hindi naaayon sa iyong mga kuru-kuro, baka siyasatin mo ang Diyos, magkaroon ng maling pagkaunawa sa Kanya, husgahan Siya, at magpakalat pa nga ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Pagkatapos ay tinanggihan mo ang Diyos at ginawa mo ang gusto mo, at sa huli ay itiniwalag ka ng Diyos. Ang mga bagay na ibinubunyag mo sa anumang oras at saanmang lugar ay puwedeng kumatawan sa iyong disposisyon. Samakatwid, ang mga bagay na ibinubunyag mo sa lahat ng oras at sa bawat lugar ay ang mga paghahayag ng iyong disposisyon. Bakit palagi nating tinatalakay ang mga pagbabago sa disposisyon? Dahil ang isang taong hindi nagbabago ang disposisyon ay kaaway ng Diyos. Ang lahat ng anticristo ay talagang hindi nagsisisi, nangangakong buong buhay silang sasalungat sa Diyos at maninindigan laban sa Kanya hanggang sa huli. Kahit na lihim nilang kinikilala ang pag-iral ng Diyos, na ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan, at na kayang iligtas ng Diyos ang sangkatauhan, dahil sa kanilang kalikasan, hindi nila kayang baguhin ang landas na kanilang tinatahak, ni baguhin ang diwa ng paglaban sa Diyos at pagiging mapanlaban sa Kanya.
Ang diwa ng pag-uugali ng mga anticristo ay ang palaging gamitin ang iba’t ibang kalakaran at pamamaraan upang matugunan ang kanilang mga ambisyon at hangarin, upang ilihis at siluhin ang mga tao, at upang magkamit ng mataas na katayuan para sundin at sambahin sila ng mga tao. Posibleng sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi nila sinasadyang makipag-agawan sa Diyos para sa sangkatauhan, ngunit isang bagay ang tiyak: Kahit na hindi sila nakikipag-agawan sa Diyos para sa mga tao, nais pa rin nilang magkaroon ng katayuan at kapangyarihan sa gitna ng mga ito. Kahit na dumating ang araw na mapagtanto nila na nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa katayuan, at magpigil man sila ng kanilang sarili nang kaunti, gumagamit pa rin sila ng iba’t ibang pamamaraan para hanapin ang katayuan at reputasyon; malinaw sa kanila na sa kanilang mga puso ay magkakamit sila ng lehitimong katayuan, sa pamamagitan ng pagkamit ng pagsang-ayon at paghanga ng ilang tao. Sa madaling sabi, kahit na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay lumilitaw na binubuo ng isang pagganap ng kanilang mga tungkulin, ang bunga nito ay ang ilihis ang mga tao, pasambahin ang mga ito at pasunurin sa kanila—kaya nga, ang pagganap sa kanilang tungkulin sa ganitong paraan ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang kanilang ambisyon na kontrolin ang mga tao—at makakuha ng katayuan at kapangyarihan sa iglesia—ay hindi kailanman magbabago. Sila ay walang pasubaling anticristo. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng Diyos, at kahit anong hinihingi Niya sa mga tao, hindi ginagawa ng mga anticristo ang dapat nilang gawin o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa paraang angkop sa Kanyang mga salita at kinakailangan, ni hindi rin nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan bilang resulta ng pagkaunawa sa alinman sa katotohanan. Sa lahat ng pagkakataon, nananatili pa rin ang kanilang ambisyon at mga pagnanasa, nananahan pa rin ang mga ito sa kanilang mga puso at kinokontrol ang kanilang buong pagkatao, pinangungunahan ang kanilang pag-uugali at saloobin, at itinatakda ang landas na kanilang tinatahak. Sila ay totoong anticristo. Ano ang nakikita higit sa lahat sa mga anticristo? Ang ilang tao ay sinasabing, “Ang mga anticristo ay nakikipagpaligsahan sa Diyos upang magkamit ng mga tao, hindi nila kinikilala ang Diyos.” Hindi naman sa hindi nila kinikilala ang Diyos; sa kanilang puso ay tunay na kinikilala nila Siya at naniniwala sila sa Kanyang pag-iral. Handa silang sundan Siya at nais nilang hangarin ang katotohanan, ngunit hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, kaya gumagawa sila ng kasamaan. Bagamat maaaring nagsasabi sila ng mga bagay na maganda kung pakikinggan, isang bagay ang hindi kailanman magbabago: Hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanasa para sa kapangyarihan at katayuan, ni hindi nila isusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan dahil sa kabiguan o balakid, o dahil isinantabi na sila ng Diyos o pinabayaan sila. Gayon ang kalikasan ng mga anticristo. Kaya anong masasabi mo, may anticristo na bang nagbago ng kanyang mga gawi at nagsimulang maghangad sa katotohanan dahil dumanas siya ng paghihirap, o nakaunawa siya ng kaunti sa katotohanan, at nagkaroon ng kaunting kaalaman sa Diyos—may ganoon bang mga tao? Hindi pa tayo kailanman nakakita ng ganoon. Hindi kailanman magbabago ang ambisyon at paghahangad ng mga anticristo sa katayuan at kapangyarihan, at sa sandaling makahawak sila ng kapangyarihan, hindi na nila ito kailanman bibitiwan; tumpak nitong natutukoy ang kanilang kalikasang diwa. Walang ni katiting na pagkakamali sa pagtukoy ng Diyos sa ganoong mga tao bilang mga anticristo; natukoy ito ng mismong kalikasang diwa nila. Marahil ay may ilang taong naniniwala na sinusubukan ng mga anticristong makipagkompetensiya sa Diyos para sa sangkatauhan. Gayumpaman, minsan ay hindi naman talaga kailangang makipagkompetensiya ng mga anticristo sa Kanya; ang kanilang kaalaman, pang-unawa, at pangangailangan sa katayuan at kapangyarihan ay hindi tulad ng sa mga normal na tao. Ang mga normal na tao ay puwedeng maging hambog; puwede nilang subukang makakuha ng pagkilala sa iba, subukang makapagbigay ng magandang impresyon sa mga ito, at subukang makipagkompetensiya para sa magandang posisyon. Ito ang ambisyon ng mga normal na tao. Kung papalitan sila bilang mga lider, mawawala ang kanilang katayuan, magiging mahirap ito para sa kanila, pero sa pagkakaroon ng pagbabago sa kanilang kapaligiran, sa kaunting paglago ng kanilang tayog, sa pagtatamo ng kaunting pagpasok sa katotohanan, o sa pagkakamit ng mas malalim na pang-unawa sa katotohanan, unti-unting humuhupa ang kanilang ambisyon. Nagkakaroon ng pagbabago sa landas na tinatahak nila at sa direksyong tinutungo nila, at naglalaho ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Pati ang mga pagnanais nila ay unti-unting nababawasan. Gayumpaman, naiiba ang mga anticristo: Kahit kailan ay hindi nila kayang isuko ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Sa anumang oras, sa anumang kapaligiran, at kahit sino pang mga tao ang nasa paligid nila at kahit gaano pa katanda ang mga ito, hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanais. Ano ang nagpapahiwatig na hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon? Sabihin natin, halimbawa, na lider sila ng iglesia. Sa kanilang puso, palagi nilang iniisip kung paano nila makokontrol ang lahat ng tao sa iglesia. Kung ililipat sila sa isa pang iglesia kung saan hindi sila ang lider, masaya ba silang maging normal na tagasunod? Tiyak na hindi. Iisipin pa rin nila kung paano magkakamit ng katayuan, at kung paano kokontrolin ang lahat ng tao. Saan man sila magpunta, ninanais nilang mamuno na parang hari. Kahit na ilagay sila sa isang lugar na walang mga tao, sa isang kawan ng mga tupa, gugustuhin pa rin nilang mamuno sa kawan. Kung isasama sila sa mga aso at pusa, gugustuhin nilang maging hari ng mga aso at pusa, at maghari sa mga hayop. Nilalamon sila ng ambisyon, hindi ba? Hindi ba’t malademonyo ang mga disposisyon ng ganoong mga tao? Hindi ba’t mga disposisyon ito ni Satanas? Ganoon lang talaga si Satanas. Sa langit, ninais ni Satanas na maging kapantay ng Diyos, at pagkatapos itapon sa lupa, palagi nitong sinusubukang kontrolin ang tao, para sambahin ito ng tao at ituring itong Diyos. Palaging ninanais ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao dahil mayroon silang satanikong kalikasan; namumuhay sila ayon sa kanilang satanikong disposisyon, na lumagpas na sa katwiran ng mga normal na tao. Hindi ba’t medyo abnormal ito? Ano ang tinutukoy ng abnormalidad na ito? Ibig sabihin nito ay hindi dapat makita sa normal na pagkatao ang pag-uugali nila. Kaya, ano ang pag-uugaling ito? Ano ang kumokontrol dito? Kinokontrol ito ng kanilang kalikasan. Taglay nila ang diwa ng isang masamang espiritu, at hindi katulad ng normal na tiwaling sangkatauhan. Ito ang pagkakaiba. Ang katunayang gagawin ng mga anticristo ang lahat para sa paghahangad nila sa kapangyarihan at katayuan ay hindi lamang naglalantad sa kanilang kalikasang diwa, kundi nagpapakita rin sa mga tao na ang kasuklam-suklam nilang mukha ay ang mismong mukha ni Satanas at ng mga demonyo. Hindi lamang sila nakikipagkompetensiya sa mga tao para sa katayuan, nangangahas din silang makipagkompetensiya sa Diyos para sa katayuan at inaagaw nila ang mga hinirang ng Diyos. Makokontento lang sila kapag ganap nang napasailalim sa kontrol nila ang mga hinirang ng Diyos. Kahit pa sa aling iglesia o grupo ng mga tao nabibilang ang mga anticristo, gusto nilang magkaroon ng katayuan, humawak ng kapangyarihan, at mahikayat ang mga taong makinig sa kanila. Pumapayag man o sumasang-ayon ang mga tao, gusto ng mga anticristo na sila ang may huling pasya at na sundin at tanggapin sila ng mga tao. Hindi ba’t kalikasan ito ng isang anticristo? Payag ba ang mga taong makinig sa kanila? Inihahalal at nirerekomenda ba sila ng mga ito? Hindi. Pero gusto pa rin ng mga anticristo na sila ang may huling pasya. Sumasang-ayon man ang mga tao o hindi, gusto ng mga anticristong magsalita at kumilos para sa mga ito, gusto nilang mapansin. Sinusubukan pa nga nilang ipilit sa mga tao ang mga ideya nila, at kung hindi ito tatanggapin ng mga tao, pipigain ng mga anticristo ang utak nila sa pagsubok na tanggapin ito ng mga tao. Ano ang problemang ito? Kawalan ito ng kahihiyan at pagiging garapal. Ang ganitong mga tao ay mga tunay na anticristo, at mga lider man sila o hindi, mga anticristo pa rin sila. Taglay nila ang kalikasang diwa ng isang anticristo.
May ilang tao na palaging naglalagay ng malaking importansya sa pagtuklas kung sino ang mga lider ng iglesia, kung sino ang sangkot sa pagpapalaganap sa ebanghelyo, kung saan nakatira ang lahat ng ito, kung sino ang malalapit sa mga ito, at iba pa. Gaya ng mga tagapagmanman ni Satanas, palagi nilang inuusisa at inaalam ang mga bagay na ito. Bakit palagi silang interesado sa mga bagay na ito? Maraming tao ang hindi makaarok sa mga motibo nila; pakiramdam lang nila na medyo kakatwa ang mga indibidwal na ito. Karamihan ng mga tao ay hindi interesado sa mga bagay na ito; abala na sila sa mga sarili nilang tungkulin at walang panahon para manghimasok. Nakatutok sila sa paggawa ng mga sarili nilang tungkulin at nakatuon sa pagsasagawa sa katotohanan, at hindi nila namamalayan, nagbabago na ang kanilang mga disposisyon—biyaya ito ng Diyos. Gayumpaman, may isang uri ng tao na masyadong masigasig sa pag-uusisa at pagtuklas sa lahat ng uri ng bagay tungkol sa iglesia. Kapag nakakatagpo siya ng isang lider, tinatanong niya, “Paano ninyo pinangasiwaan ang masamang taong si Ganito-at-ganyan sa iglesia?” Sumasagot ang lider, “Dapat mo bang malaman kung paano namin ito pinangasiwaan? Bakit inuusisa mo ito? Kilala mo ba ang taong iyon?” Sinasabi ng taong iyon, “Interesado lang ako, alam mo na? Usapin ito ng sambahayan ng Diyos. Bilang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, dapat maging masigasig tayo at pagtuunan natin ng pansin ang mga usapin ng Kanyang sambahayan. Paanong hindi tayo magiging interesado sa mga iyon?” Sinasabi sa kanya ng lider, “Hindi mo dapat usisain ang bagay na ito. Pagtuunan mo ang pakikinig sa mga sermon at pagdalo sa mga pagtitipon. Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ang wastong gawain mo. Sapat na para sa iyong sumampalataya nang maayos sa Diyos.” Ipinagpipilitan ng taong iyon, “Hindi puwede iyon, kailangan kong maging interesado.” Dahil walang sumasagot sa kanya, iniisip niya kung saan siya pupunta at mag-uusisa. Nang mag-host ang mga nakakataas na lider ng pulong ng magkakatrabaho sa bahay ng mga ito, pakiramdam niya ay tila medyo hindi makatwiran na pumasok at makisali, kaya nagpanggap siyang magdadala ng tubig, at nagtanong kung ang masamang taong iyon ay pinatalsik o pinayagang manatili. Nang walang sumagot sa kanya, lumabas siya at iniawang nang kaunti ang pinto, palihim na nakikinig doon. Hindi ba’t may sakit sa pag-iisip ang taong ito? Oo, may sakit ito sa pag-iisip; sa kolokyal na salita, pagiging “pakialamero” ang tawag natin dito. Tiyak na may mga ambisyon ang gayong tao. Gusto niyang maging lider, pero hindi niya magawa, kaya nanghihimasok siya sa mga usapin ng iba upang palubagin ang loob niya, at kasabay niyon, sinisiguro niyang makikita ng mga tao na marami siyang alam at may pambihira siyang kabatiran. Sa ganitong paraan, puwede siyang mapili bilang lider sa hinaharap. Upang maging isang lider, gusto niyang makibahagi sa lahat ng bagay, magtanong tungkol sa lahat ng bagay, at malaman ang lahat ng bagay. Naniniwala siyang sa pamamagitan ng pakikisangkot sa mga bagay na ito sa araw-araw, kahit na hindi siya maging isang lider, magiging tagapangasiwa pa rin siya ng mga bagay, at masisiguro niyang titingalain siya ng mga tao. Wala siyang kahit kaunting interes sa katotohanan; interesado lang siya sa panghihimasok sa mga usapin ng ibang tao—nagpapakadalubhasa siya sa pag-uusisa sa mga bagay na gusto niyang malaman. Saanman may isyu, nandoon siya, umaaligid na parang isang nakakayamot na langaw. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang ganitong mga tao? Ganito katindi ang kaguluhan ng isip nila, pero napakasigla naman nila—hindi lang nila naiisip na gumawa ng anumang wastong gawain. Ginagawa nila ang tungkulin ng pagpapatuloy ng mga tao sa kanilang tahanan, pero ayaw nilang lampasuhin ang sahig ng kusina kahit na marumi na ito. Naniniwala silang nangangasiwa sila ng mahahalagang bagay, at ang paglalampaso ng sahig ay isang bagay na ginagawa ng mga karaniwang tao. Sa uri ng kakayahan nila ay hindi sila puwedeng gumawa ng gayong mabababang gawain. Hindi talaga sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, hindi nila kayang pangasiwaan ang gawaing bahagi ng sarili nilang tungkulin, hindi nila kayang gampanan nang mabuti ang anumang tungkulin, at hindi nila ginagawa ang mga bagay nang sinsero o sa isang praktikal na paraan; sa halip, sabik silang mag-usisa sa gawain ng iglesia, pati na sa mahahalagang bagay na may kinalaman sa mga lider, manggagawa, at kapatid sa iglesia. Gusto nilang ibigay ang opinyon nila sa lahat ng bagay, at kung ayaw makinig sa kanila ng mga tao, sinasabi nila, “Kung hindi ka makikinig sa mga sinasabi ko, kawalan mo ito!” Hindi ba’t wala ito sa katwiran? (Oo.) Samakatwid, ang ilang anticristo ay nakatago; hindi naman talaga nila kailangang magkaroon ng katayuan. Kahit na wala silang katayuan, aktibong-aktibo pa rin sila. Kung magkakaroon sila ng katayuan, magiging gaano pa sila kalubha? Gaano pa kataas ang lulundagin nila? Kahit na ikamatay nila ang pagkahulog ay ayos lang sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, kung mapipiling mga lider ang gayong mga tao, magkakaroon kaya ng masayang buhay ang mga hinirang ng Diyos? Ang ilang anticristo ay nakatago—ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, hindi nagiging anticristo ang mga anticristo kapag nagkaroon sila ng katayuan; sa simula pa lang ay mga anticristo na sila. Iyon nga lang ay mababa ang tayog ng mga tao at hindi nila nakikilatis ang mga ito, o marahil may ilang iglesia na hindi makahanap ng mga taong naghahangad sa katotohanan, pinipili nila ang mga masigasig na taong ito na kayang magplano ng mga bagay-bagay at mag-asikaso ng mga gawain bilang mga lider nila. Sa ngayon, huwag nating talakayin kung tama o mali ang pagpili sa kanila bilang mga lider; pagtuunan natin kung ano ang dapat gawin sa sandaling matuklasang mga anticristo sila. Dapat silang malantad at matanggihan. Kung matutukoy na anticristo ang isang tao at matatanggal sa kanyang posisyon, dapat bang mapili ulit ang gayong tao bilang lider sa hinaharap? (Hindi, hindi dapat.) Bakit? (Hindi magbabago ang kalikasan niya.) Ang sinumang matutukoy bilang isang anticristo ay hindi na dapat muling mapili bilang lider dahil hindi magbabago ang kanyang kalikasang diwa. Ang mga anticristo ay nagtatrabaho lang kay Satanas; mga alipin lang sila ni Satanas. Hindi sila kailanman gagawa ng anumang bagay o magsasabi ng anumang bagay alang-alang sa katotohanan. Ang diwa ng isang anticristo ay ang maging mapanlaban sa Diyos, maging tutol sa katotohanan, at tanggihan ito at tratuhin ito nang may panghahamak. Hindi magbabago ang kalikasan niya. Kung hindi pa nagiging lider ang ganitong mga tao, hindi sila dapat mapili, at kung dati na silang naging lider pero natanggal, magbabago ba sila kung magiging mga lider ulit sila sa hinaharap? (Hindi, hindi sila magbabago.) Mga anticristo pa rin sila. Tinutukoy ito ng kalikasang diwa nila.
II. Isang Pagsusuri Kung Paano Inaakit ng mga Anticristo ang mga Tao
Katatapos lang nating talakayin ang mga pagpapamalas ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao. Halos iisa lang ang ibig sabihin ng panlilihis at pang-aakit, pero nagkakaiba ang mga ito kapwa sa kalikasan at sa pamamaraan. Ang panlilihis ay paggamit ng mga pagkukunwari para magligaw ng mga tao, pinapaniwala sila na totoo ang mga iyon. Ang pang-aakit ay sadyang paggamit ng ilang paraan para mahikayat ang mga taong pakinggan ang isang partikular na tao at sundan ang landas nito—napakalinaw ng layunin nila. Ang panlilihis at pang-aakit ay may kaakibat na paggamit ng tila mga tamang salita upang manlihis ng mga tao, pagsasabi ng mga bagay na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao at na agad na tinatanggap ng mga tao upang ilihis ang mga ito. Hindi namamalayan ng mga tao na nagsisimula na ang mga itong maniwala at sumunod sa kanila, pumanig sa kanila at sumapi sa grupo nila. Sa ganitong paraan, inilalayo ng mga anticristo ang mga tao sa isang tamang grupo ng mga tao at papunta sa sarili nilang kampo. Sa madaling salita, kung tatanggapin ng mga tao ang gayong mga kilos ng mga anticristo, maaaring sampalatayanan at sambahin nila ang mga anticristo, at pagkatapos ay tanggapin at magpasakop sa lahat ng sinasabi ng mga anticristo, hindi namamalayang nagsisimula na silang sumunod sa mga ito. Hindi ba’t naloko at nalinlang na sila? May ilang anticristo na madalas gumamit ng mga partikular na taktika upang maisakatuparan ang kanilang mithiing manlihis at mang-akit ng mga tao habang nakikisalamuha sa mga ito, na nagreresulta sa mga pagkakabaha-bahagi, paksyon, at grupo sa loob ng iglesia. Halimbawa, kung ang isang anticristo ay galing sa Timog at makakatagpo ng isa pang taga-timog, maaaring sabihin ng anticristo, “Pareho tayong taga-timog: Lumaki tayong umiinom ng tubig mula sa iisang ilog, at pareho ang wika natin. Hindi natin kapareho ng wika ang mga taga-Hilaga—imposible tayong mapalapit sa kanila! Bagama’t iisa ang Diyos na sinasampalatayanan natin, ang mga gawi nila sa buhay bilang mga taga-hilaga ay naiiba sa atin, at hindi magkatugma ang mga personalidad natin. Wala tayong mapapag-usapan. Kaya, ikaw at ako ay parang magkapamilya na at kailangan nating suportahan ang isa’t isa.” Maaaring tila makatwiran ito, na parang nagpapahayag lang siya ng isang partikular na pananaw, ngunit may motibo at layunin ang pagsasabi niya rito, at dapat na maging mapagkilatis ang mga tao. Sa realidad, ang sinasabi ng anticristo ay hindi ang nilalaman ng puso niya; isa siyang hunyango, ibinabagay ang kanyang mga salita depende sa taong kausap niya. Kapag mga taga-hilaga ang nakakatagpo ng anticristo, maaari niyang sabihin, “Ang ganda ng Hilaga; sariwa ang hangin doon. Bagama’t ipinanganak ako sa Timog, lumaki akong umiinom ng tubig ng hilaga. Kahit paano ay magkalapit na tayo dahil doon!” Kapag narinig ito ng mga taga-hilaga, maaaring maramdaman ng mga itong medyo mabuting tao ang anticristo at magsisimulang makisama sa kanya. Lubhang bihasa ang anticristo sa panlilihis ng mga tao at pang-aakit sa mga ito, gumagamit ng iba’t ibang taktika upang hatiin ang iglesia, na nagdudulot sa mga taga-timog at taga-hilaga na bumuo ng magkakaibang grupo, lahat para sa sariling pakinabang ng anticristo, upang maisakatuparan ang mithiin niyang magtipon at bumuo ng sarili niyang puwersa ng paksyon. Lalo na sa panahon ng mga halalan sa iglesia, kung makikita ng anticristo na maaaring mahalal ang isang kapatid na taga-hilaga, gumagawa siya ng mga pailalim na operasyon, palihim na pinapalitan ang mga boto, at sa huli, ang lahat ng nahahalal na lider ng iglesia at mga diyakono ay galing sa Timog. Ginagawa ng mga anticristo ang lahat upang ilihis ang mga tao at akitin ang mga ito, nagdudulot ng mga pagkakabaha-bahagi at paksyon at ginagamit ang mga pamamaraang ito upang hatiin at kontrolin ang iglesia. Ano ang layunin nila sa paggawa nito? (Ang magtatag ng sarili nilang nagsasariling kaharian.) Ano ang kalikasan ng pagtatatag ng isang nagsasariling kaharian? Ibig sabihin nito ay pagiging hindi maipagkakasundo kay Cristo, inaangkin ang mga hinirang na mga tao ng Diyos para sa kanyang sarili, at lumalaban sa Diyos bilang kapantay Niya. Hindi ba’t parang pagtatanghal ito ng isang katunggaling palabas na laban sa Diyos? (Oo.) Iyon mismo iyon. Kaya, ano ang mga kahihinatnan ng pagkilos ng mga anticristo nang ganito? Lubhang nagagambala at nagugulo ng kanilang mga kilos ang gawain ng iglesia, at direktang sinasalungat ng mga ito ang disposisyon ng Diyos. Poot ang itutugon sa kanila ng Diyos, at ang lahat ng gayong anticristo ay tiyak na haharap sa kaparusahan at pagkawasak—walang duda rito. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang 250 na lider na humusga kay Moises ay tumanggap ng direktang kaparusahan. Noong Kapanahunan ng Biyaya, ang mga taong nagpako sa krus sa Panginoong Jesus ay humarap din sa direktang kaparusahan; isinumpa sila at masama ang naging katapusan nila. Ito ang kalalabasan ng paglaban ng mga anticristo sa Diyos at ang nararapat na katapusan para sa mga taong lumalaban sa Diyos.
Paano gumagamit ang mga anticristo ng iba’t ibang pamamaraan upang mang-akit ng mga tao para hatiin ang iglesia? Una, mang-aakit ang isang anticristo ng mga taong may mga kaloob at mahusay magsalita, binibigyan muna ng magandang impresyon ang mga taong ito, pinalalawak ang saklaw ng sarili niyang puwersa sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan. Hindi niya papansinin o maari pa nga niyang ibukod ang mahihirap na tao o ang mga tao na mas mahina ang kakayahan o na medyo walang muwang. Kung sinuman ang may katayuan at kayamanan sa lipunan, mag-iisip siya ng paraan upang makuha ang loob ng mga taong ito, habang ang mga kapatid na sinserong gumugugol ng kanilang sarili ngunit kaunti lang ang pera, o ang mga taong mababa ang katayuan sa lipunan, walang maipagmamalaking puwersa, at madaling maapi ng iba, ay tutukuyin na mabababang miyembro sa iglesia. Sa ganitong paraan, ang isang iglesia na may ilang dosenang miyembro ay hindi mapapansing nahahati sa dalawang uri ng tao. Sino ang may kagagawan nito? (Ang mga anticristo.) Gagawin ng mga anticristo ang ganoong mga bagay. Kung matutuklasan ng isang mabuting lider na tunay na nakauunawa sa katotohanan ang ganitong sitwasyong lumilitaw sa loob ng iglesia, gagamitin niya ang katotohanan upang lutasin ito. Hindi niya hahayaang mapaghiwa-hiwalay ang mga tao sa iglesia ayon sa posisyon o mauri batay sa katayuan ng mga ito sa lipunan, hindi rin niya hahatiin ang iglesia. Titiyakin niyang ang lahat ng kapatid, saan man nagmula ang mga ito o may anumang katayuan man ang mga ito sa lipunan, ay nagkakaisa sa mga salita ng Diyos at sa harapan ng Diyos. Ang mga anticristo naman, sa kabilang banda, bukod sa hindi na nila nilulutas ang gayong mga problema, ginagamit pa nga nila ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao upang maisakatuparan ang mga mithiin nila. Hinahanap nila ang mga taong may katayuan sa lipunan at may kayamanan at inaakit ang mga ito. Paano nila inaakit ang mga ito? Maaari nilang sabihing, “Ang katayuan mo sa lipunan ay isang pagpapala mula sa Diyos na iniatas ng Diyos. Dapat mong gamitin ang kalagayan mo upang tuparin ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Isa na akong lider ngayon, at medyo kilala ako sa lugar na ito dahil sa pananampalataya ko. Labis akong inuusig ng pamilya ko, at may ilang panganib na kaakibat ang aking posisyon ng pamumuno. Kailangan ko ng mga taong katulad mo upang tumulong na panatilihin akong ligtas. Kung magagawa mo iyon para sa akin, tatanggap ka ng malalaking pagpapala sa hinaharap, at mabilis na uunlad ang buhay mo!” Ganito inaakit at tinutukso ng mga anticristo ang mga tao na sumunod sa kanila. Kung magugustuhan ng isang anticristo ang isang tao o makikitang kapaki-pakinabang ito, isinasaayos niyang magkaroon ito ng madadaling tungkulin o mga tungkulin kung saan maaari itong mapansin ng marami, ginagawa ang lahat ng makakaya niya upang itaas ang posisyon nito. Wala siyang pakialam kung naaabot nito ang mga prinsipyo sa paggamit ng mga tao sa sambahayan ng Diyos. Basta’t ang taong ito ay may katayuan sa lipunan at maaaring maging kapaki-pakinabang sa kanya, inaakit niya ito. Upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, nakikipaglapit, binobola, at inaakit ng mga anticristo ang mga taong may kayamanan at katayuan sa lipunan, habang kinakamkam ang mga pakinabang para sa kanilang sarili. May pangalawang pamamaraan pa sila ng pang-aakit sa mga taong may pera, kapangyarihan, at katayuan, iyon ay, ang pagpapalayaw sa mga ito. Ang ganoong mga tao ay madalas na gumagawa ng masama sa loob ng iglesia, na nakakabawas sa kasiglahan ng mga kapatid at nakakagulo sa buhay-iglesia. Masayang pinanonood ng mga anticristo ang mga ito at hinahayaan ang mga itong gumawa ng anumang pagkakasalang gusto ng mga ito. Ano ang layunin ng pagpapalayaw ng isang anticristo? Ito ay para pa rin akitin ang mga ito at pagkakitaan ang mga ito sa sandaling maakit na ang mga ito. Nagkukunwari pa nga ang mga anticristo na sabihin sa mga ito, “Bagama’t pinili ninyo ako bilang lider, at responsabilidad kong pangunahan kayo, hindi lang sa akin ang iglesia na ito. Hindi puwedeng ako lang ang magdedesisyon sa loob ng iglesia. Kailangan din ninyong tumulong; kung may mangyayari ay puwede rin kayong tumulong sa pagpapasya—ito ang ibig sabihin ng pakikipagtulungan.” Sinasabi nila ito sa mga taong mayaman, maimpluwensiya, at kapaki-pakinabang sa kanila, ginagawa nila ang makakaya nila upang akitin ang mga indibidwal na ito, hanggang sa umabot sila sa puntong kaya na nilang kontrolin ang mga ito. Gayumpaman, para sa mga taong tunay na sumasampalataya sa Diyos pero walang pera, katayuan sa lipunan, o anumang maliwanag na pakinabang, labis ang pagsisikap nila para ibukod, atakihin, o basta balewalain ang mga ito. Ano ang ibig sabihin ng pambabalewala nila? “Kung ang iilan sa atin ay magsasama-sama at magiging moog na bakal, tantiya ko na kayong mga karaniwang tao ay walang magagawang anumang mahalagang epekto. Kung aasal ka nang walang muwang at makikinig sa mga sasabihin ko, pahihintulutan kitang magpatuloy sa pananampalataya. Ngunit kung patuloy kang maghahanap ng mali, magpapahayag ng mga opinyon mo tungkol sa akin, o isusumbong ako sa mga nakatataas, parurusahan at patatalsikin kita!” Ito ang plano nila. May ilang taong walang pagkilatis at natatakot, nagsasabing, “Hindi natin sila dapat salungatin. Nakabuo na sila ng sarili nilang paksyon, at hindi natin kakayanin iyon. Wala masyadong halaga ang mga salita natin, at kung aksidente tayong makapagsasabi ng bagay na makakapagpasama ng loob nila, at talagang patatalsikin tayo ng lider, mawawalan tayo ng pagkakataong sumampalataya sa Diyos.” Takot na takot ang mga taong ito. Habang ang mga anticristo ay nang-aakit ng mga tao, nakapaloob sa pag-uugaling ito ang isang buktot, malupit, at mapaminsalang disposisyon. Ano ang layunin nila sa pang-aakit ng mga tao? Ito ay para din patatagin ang kanilang posisyon. Ano ang layunin nila sa pagbuo ng mga samahan o grupo? Ito ay ang palawakin ang saklaw ng puwersa nila, ang suportahan sila ng mga tao, na lalo pang nagpapatatatag ng kanilang kapangyarihan at katayuan. May nakatagpo na ba sa inyo ng ganitong mga bagay? Kapag kinokontrol ng isang anticristo ang isang iglesia, ang sinumang may pera, katayuan, o dominante ay nagsasama-sama upang suportahan siya, at sama-sama silang humahawak ng kontrol, nagiging isang paksyon, isang grupo ng apat, lima, o anim na tao. Walang sinumang pinahihintulutan na magsiwalat ng mga isyu nila. Inaakit ng anticristo ang mga taong ito dahil mahirap para sa kanyang kontrolin ang mga ito. Dapat niyang akitin nang husto ang mga ito, gawing mga alalay niya ang mga ito, sa gayon ay napapatatag ang kanyang posisyon. Higit pa rito, may halaga ang mga taong ito na maaaring samantalahin ng anticristo. Ang pamamaraan niya sa pang-aakit sa mga ito, sa isang kahulugan, ay isang paraan upang igapos ang mga ito at pigilan sila na maging banta sa posisyon niya.
Tungkol sa aspektong ito ng pang-aakit ng mga anticristo sa mga tao, katatapos lang nating talakayin ang dalawang pagpapamalas. Nangyayari ba ang ganitong mga bagay sa inyong iglesia? Sabihin ninyo sa Akin, nangyayari ba ang ganitong uri ng bagay? (Oo.) Talagang nangyayari ito. Kaya, sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa pang-aakit sa mga tao, ano pa ang ilang pagpapamalas na nagtataglay ng kalikasan ng pang-aakit ng mga anticristo sa mga tao? Ano ang mga kahihinatnan ng pang-aakit sa mga ito? Bakit gusto ng mga anticristong mang-akit ng mga tao? Kung hindi sila mang-aakit ng mga tao, maisasakatuparan ba nila ang mithiin nilang kontrolin ang mga tao? (Hindi.) Dapat silang magdala sa harapan nila ng mga taong nakikinig sa kanila at umaayon sa kalooban nila, upang magkaroon sila ng posisyon at magkaroon ng mga mapaggagamitan ng awtoridad. Kung walang makikinig sa kanila, hindi ba’t hindi nila matutupad ang ambisyon nila para sa katayuan at kapangyarihan? Samakatwid, kapag naakit na nila ang bawat uri ng tao na puwedeng maakit, saka lang sila nagkakamit ng posisyon at kapangyarihan. Paano nila pinakikitunguhan ang mga taong hindi naaakit? (Ibinubukod at inaatake nila ang mga ito.) Sinisimulan nilang atakihin at ibukod ang mga ito. Hindi ba’t nagkaroon na ng mga anticristo na ginawang mga diumano’y “tagasuri” ang mga tao sa iglesia na hindi naaakit? Ang mga sermon, himno, at aklat ng mga salita ng Diyos na inilabas ng iglesia ay talagang hindi ibinibigay sa mga taong ito, o hindi ipinaaalam sa mga ito ang mga pagtitipon sa loob ng mahabang panahon. Talagang umiiral ang gayong mga bagay, at ang mga iyon ay pawang mga bagay na ginagawa ng mga anticristo. Hindi tinanggal ng iglesia ang pangalan ng mga taong inaatake at ibinubukod ng mga anticristo, hindi umalis ang mga ito nang kusang-loob, at hindi boluntaryong tumigil ang mga ito sa pagdalo sa mga pagtitipon. Silang lahat ay mga sinserong mananampalataya ng Diyos, ngunit dahil may kaunti silang pagkilatis tungkol sa mga anticristo, madalas silang ibinubukod at hindi agad nakakakuha ng mga aklat ng mga salita ng Diyos o ng mga sermon, himno, at ng iba’t ibang pagsasaayos ng gawain na inilalabas ng iglesia, hindi rin nakakakain at nakakainom ng mga salita ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga taong mas mababa sa mga anticristo, ibig sabihin, ang mga taong nagagawang makinig sa kanila, na naakit nila at nagpasakop sa kanila, ay nauunang nakakakuha ng iba’t ibang aklat at video na ipinamimigay ng sambahayan ng Diyos, tinatamasa ang magandang pagtrato na ito. Sa gayon ang iglesia ay nasasadlak sa kaguluhan at nahahati dahil sa pag-uugali at mga kilos ng mga anticristo, at nababalisa ang puso ng mga tao.
May mga kondisyon bang hinahanap ang mga anticristo para mang-akit ng mga tao? Inaakit ba nila ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at tunay na nagpapasakop sa Diyos? (Hindi.) Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos ay nagtataglay ng kaunting pagkilatis, hindi sila maaakit, at hindi sila susunod sa mga anticristo. Kaya, sino ang inaakit ng mga anticristo? Sa puso nila, pinakapinapaboran ng mga anticristo ang mga taong magaling mambola ng mga taong may katayuan, na magaling magpalakas at makipag-usap sa mga tao, at ang ilang taong nakagawa ng masasamang bagay at natatakot na mapatalsik at sa gayon ay ginagawa ang makakaya nila upang mapalugod ang mga anticristo. Ginagamit ng mga anticristo ang kondisyon na poprotektahan nila ang mga ito upang akitin ang mga tao at makuha ang loob ng mga ito, hinahayaang makalapit ang mga ito. Karamihan sa mga taong inaakit ng mga antictristo, maliban sa mga baguhang mananampalataya at hindi nakauunawa sa katotohanan, ay ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Ang lahat ba ng hindi nagmamahal sa katotohanan ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran? Wala sa kanila ang mabuti, at hindi pinipili ng Diyos ang gayong mga tao. Inaakit ng mga anticristo ang mga taong ito at inaakay sila na parang payaso. Iniisip pa nga nilang nagkamit sila ng opisyal na posisyon at may katayuan, at labis silang nasisiyahan sa puso nila. Hindi ba’t walang kahihiyan ito? Anong iba pang uri ng tao ang inaakit ng mga anticristo? (Ang mga taong medyo masama ang pagkatao.) Eksakto, ang masasamang tao. Paano tinatrato ng mga anticristo ang masasamang tao? Pinoprotektahan nila ang mga ito. Halimbawa, ipagpalagay nating may masamang tao sa iglesia, at iniuulat ng lahat ng kapatid na partikular na masama ang taong ito, nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia sa tuwing nariyan ito, inaabala ang lahat sa paggawa ng tungkulin ng mga ito, at ginugulo ang gawain ng iglesia. Hangga’t hinihingi sa kanyang gumawa ng isang tungkulin, ang gawain ng iglesia ay daranas ng kawalan. Ngunit ang tingin ng mga anticristo sa gayong masasamang tao ay kapaki-pakinabang at inaakit nila ang mga ito sa panig nila upang magtrabaho para sa kapakinabangan nila. Hindi pinatatalsik ng mga anticristo ang masasamang tao; sa halip, pinoprotektahan nila ang mga ito. Maliban na lang kung may mga partikular na masamang taong hindi sumusuporta sa isang anticristo o nakakikilatis dito—haharapin niya ang mga ito. Hangga’t binobola nila ang anticristo, sinusuportahan ito, at hindi ito nilalabanan, inaakit at kinukuha nito ang loob nila upang mapalakas ang sarili niyang puwersa. Ngayon, paano nakakasundo ng mga anticristo ang mga taong ito na hindi naghahangad sa katotohanan? Ang paraan ng pakikisalamuha nila ay talagang pambobola at paggamit ng matatamis na pananalita sa isa’t isa. Saanman pumunta ang mga anticristo, nagkukumpulan ang masasamang taong ito kasama ng mga anticristo na parang mga langaw. Talagang hindi sila nagsasama-sama upang magbahaginan tungkol sa katotohanan, dahil lahat sila ay nayayamot dito, at wala sa kanilang naghahangad na lutasin ang mga isyu sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Ang sinasabi lang nila ay ang mga bagay na sinasabi ng mga hindi mananampalataya, kadalasan ay nagsisimula ng gulo, nangmamaliit ng iba at nagtataas ng kanilang sarili, at nagkokonsultahan tungkol sa mga paraan para parusahan ang mga tao. Higit pa rito, pinag-aaralan nila kung paano mag-iingat laban sa sambahayan ng Diyos, tinatalakay kung paano kokomprontahin ang Itaas, kung paano malalaman nang maaga kung may taong gustong magsumbong sa mga isyu nila at kung paano tutugon sa sandaling malaman nila ito. Ito ang mga bagay na tinatalakay ng grupong ito ng masasamang tao. Kapag magkakasama sila, kailanman ay hindi sila nagbabahaginan ng mga bagay tulad ng paggawa ng kanilang mga tungkulin, at kailanman ay hindi sila nagbabahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga isyu. Halimbawa, hindi nila kailanman tinatalakay ang mga lehitimong bagay tulad ng pagsuporta at pagtulong sa mga kapatid na naging negatibo at mahina at walang lakas na gawin ang mga tungkulin nila, o ang paghahanap ng mga solusyon at landas para mapabuti ang pagiging epektibo ng mga partikular na aspekto ng gawain ng iglesia. Pinag-uusapan nila kung paano lilinlangin ang Itaas at kung paano lilinlangin ang sambahayan ng Diyos, tinitiyak na hindi malalaman ng sambahayan ng Diyos ang mga katunayan tungkol sa kanila. Sa sandaling matuklasang may taong nakikipag-ugnayan sa Itaas o nagsumbong tungkol sa sitwasyon nila, itinuturing nila itong isang banta sa posisyon nila at nakakasira sa mga gawain nila. Walang tigil nilang iniimbestigahan kung sino ang may kagagawan nito, hinahanap ang mga pinagsususpetsahan, at sa sandaling mahanap nila ang mga ito, ihihiwalay nila ang taong iyon, ililipat sa ibang lugar, at pagkatapos ay maglalabas ng mga utos na nagbabawal sa sinuman na isumbong ang sitwasyon nila sa Itaas. Tinitiyak nitong walang sinumang mangangahas na isumbong sila. Ganap na nakokontrol ng mga anticristo ang iglesia sa ganitong paraan. Walang paraan para malaman ng Itaas kung anong kasamaan ang ginagawa nila nang walang nakakakita, hanggang sa matuklasan ng Itaas ang sitwasyon at matukoy ang kahinaan nila, pagkatapos ay mag-uutos ng imbestigasyon sa kanila at sa huli ay papalitan o patatalsikin sila. Kaya ng grupong ito ng mga anticristo at masasamang tao na guluhin ang gawain ng iglesia sa loob lang ng ilang buwan, at kaya nilang idulot sa mga kapatid na paghinalaan ang isa’t isa, sirain ang isa’t isa, ilantad ang isa’t isa, at atakihin ang isa’t isa, hinahati ang iglesia. Ito ang kahihinatnan ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao at pagkokontrol sa iglesia. Sa ganitong paraan inililihis ng mga anticristo ang lahat ng taong hindi naghahangad sa katotohanan at inaakit pa nga ang ilang kapaki-pakinabang na masamang tao upang kontrolin ang iglesia, pinatitibay ang sarili nilang posisyon at awtoridad. Kung makikinig sa kanila ang masasamang tao, poprotektahan nila ang mga ito. Kung hindi, hinaharap muna nila ang masasamang tao. Kung susunod sa kanila ang masasamang tao at mahihingan ng tulong at maaakit, hahayaan nila ang mga itong maging mga tauhan nila, mga galamay at mata nila sa paggawa ng masasamang bagay, palihim na nagmamanman sa mga kapatid, inaalam kung sino ang may mga pagtutol sa kanila, kung sino ang nakakikilatis sa mga kilos nila, kung alin sa masasamang gawa nila ang natuklasan, at kung sino ang palaging gustong makipag-ugnayan sa Itaas para isumbong ang mga isyu nila. Partikular na iniimbestigahan ng mga anticristo at masasamang tao ang mga usaping ito, kung saan sila pinaka nag-aalala. Madalas ay sama-sama nilang tinatalakay ang mga panlaban na hakbang, itinuturing na mga kaaway ang mga taong nakakikilatis sa kanila o naghihinala sa kanila. Naghahanap sila ng mga dahilan upang parusahan ang isang tao ngayon at bukas ay kikilos sila para parusahan ang isa pa; gumagamit pa nga sila ng iba’t ibang katwiran at palusot para udyukan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos na paalisin at patalsikin ang mga indibidwal na ito. Sa sandaling ang mga anticristo ay maging mga lider o manggagawa, gagawin nila ang mga bagay na ito. Sa ilang buwan lang, kaya nilang isadlak sa kaguluhan ang iglesia, pinapatay pa nga ang matinding sigasig ng isang iglesia ng mga bagong mananampalataya na parang tubig sa apoy. Samakatwid, ang mga anticristo ay tunay na mga kaaway ng Diyos at mga kaaway ng mga hinirang na tao ng Diyos. Hindi talaga ito eksaherasyon—tumpak na tumpak ito! Kung saan humahawak ng kapangyarihan ang mga anticristo o masasamang tao, sumasama ang kapaligiran ng iglesia. Wala talagang buhay-iglesia, walang normal na pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, at walang kapaligiran ng pagbabahaginan sa katotohanan. Sa halip, puno ito ng intriga at walang pagpipigil na maling pag-asal. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kontrol ng diyablo. Magkakaroon ba ng anumang magandang resulta kung may kontrol ang diyablo? Kapahamakan lang ang maidudulot nito sa mga hinirang na tao ng Diyos—tiyak at walang duda iyon.
May ilang anticristo, kapag pumasok sila sa isang iglesia upang humawak ng isang posisyon ng pamumuno, na nag-iimbestiga muna kung sino sa iglesia ang dati nang nagsumbong ng mga isyu sa Itaas. Gusto nilang ilayo ang gayong mga tao sa kanila, at hindi sila tumutuloy sa bahay ng mga ito kahit na kaya naman silang patuluyin ng mga ito. Kung may isang taong magaling sumipsip sa mga tao, palaging umaaligid sa lider, at nagpapalakas, doon nila pinaplanong tumuloy sa bahay ng taong iyon. May nagsasabi, “Dalawang sister na ang pinatutuloy niya.” Sumasagot ang anticristo, “Hindi puwede iyon, palipatin mo sila sa ibang lugar.” Sinasabi ng taong iyon, “Hindi puwedeng basta mo na lang palipatin ang mga tao kapag gusto mo; medyo nababagay ang dalawang sister na iyon sa lugar na iyon—maaaring maapektuhan ng paglilipat sa kanila ang paggampan nila sa kanilang mga tungkulin.” Sumasagot siya, “Bilang lider, ang sinasabi ko ang masusunod, at dapat mo akong sundin!” Pagkatapos ay sapilitan niyang pinalilipat ang dalawang sister. Bakit pinagpipilitan niyang tumuloy sa bahay na ito? Dahil ang pamilyang ito ay walang muwang at mahina, hindi nagiging banta sa anticristo. Kahit ano pang masasamang bagay ang ginagawa niya o gaano kalubha ang pag-uugali niya kapag walang nakakakita, hindi siya isusumbong ng pamilya. Kaya, naghahanap siya ng ganitong uri ng lugar na matutuluyan. Pagkalipas ng ilang panahon, dinadala niya roon ang masasamang kasamahan niya, at ginagawa nila ang masasamang gawain nila roon, tinatalakay nila ang mga panlaban na hakbang at nagpapakana kung paano parurusahan si ganito at ganyan. Kapag lumilitaw sa iglesia ang isang anticristo o masamang tao, naghahanap muna siya ng mga taong gusto niya at kaya niyang samantalahin, pinalalawak at pinatatatag ang puwersa niya una sa lahat. Pinababayaan muna niya ang mga taong nakauunawa sa katotohanan sa ngayon, upang hindi mailagay sa panganib ang sarili niyang posisyon. Hindi pa muna niya ginagambala ang kasalukuyang kaayusan. Pagkatapos mapatatag ang kanyang posisyon at makahanap ng mga angkop na kasabwat, sinisimulan na nilang talakayin ang mga panlaban na hakbang upang parusahan at harapin ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan. Paano nila pinarurusahan at hinaharap ang mga ito? Una, inaakit nila ang mga taong sumasang-ayon sa kanila, na walang pagkilatis sa kanila, at na mapakikinabangan nila. Kung may mga taong hindi nila maaakit o na nakakikilatis sa kanila, naghahanap sila ng palusot o katwiran upang ihiwalay o paalisin ang mga ito. Anong uri ng disposisyon ang nabubunyag sa pag-uugali ng mga anticristong ito? (Kalupitan.) Saanman sila humahawak ng mga posisyon ng pamumuno, nagiging masama ang kapaligiran ng lugar na iyon. Nagagambala ang kaayusan ng buhay-iglesia. Kung hindi ka makikinig sa kanila, masisiil, malilimitahan, o mapaaalis o mapapatalsik ka pa nga. May ilang anticristo na kumikilos na parang mga sanggano, basagulero, o palaaway. Kahit pagkatapos sumampalataya sa Diyos, gusto pa rin nilang makakuha ng posisyon, kumilos nang mapang-api sa sambahayan ng Diyos, at kontrolin ang mga hinirang na tao ng Diyos. Sa ganitong paraan, ginugulo nila ang iglesia. Kung walang pagkilatis ang mga tao, malilihis at makokontrol nila ang mga ito, sa huli ay hahantong sa sariling kamatayan ng mga ito.
Halos natapos na natin ang ating talakayan sa kung paano inaakit ng mga anticristo ang mga tao. Habang pinapakinggan ninyo itong mga bagay na tinatalakay Ko, pakiramdam ba ninyo ay medyo bihira lang ito? Nagulat ba kayo, na naisip ninyo na, “Puwede ba talagang mangyari ito? Imposible ito, hindi ba? Paanong umiiral ang ganitong mga tao sa kalipunan ng mga mananampalataya?” Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo, mas magiging masahol pa ito kaysa rito. Ang lahat ng tao ay nagkukunwaring may wangis ng tao kapag kaharap nila ang iba, ngunit ang ugali nila kapag walang nakakakita ang nagbubunyag ng tunay nilang mukha. Ang mga salita at kilos nila habang kaharap ang iba ay pagpapanggap lamang, isang huwad na impresyon. Ang sinasabi at ginagawa nila kapag walang nakakakita ang sumasalamin sa tunay nilang katauhan. Kung ang isang tao ay umaasta sa isang paraan sa harap ng mga tao at sa ibang paraan kapag walang nakakakita, dapat ninyong makilatis kung alin ang tunay at alin ang huwad, hindi ba? Ang isang anticristo ay maaaring lumitaw na napakagalang sa harap ng mga tao, ngunit kung malalaman ng mga ito kung ano ang ginagawa ng anticristo kapag walang nakakakita, maiinis sila rito. Mararamdaman ng mga ito na kahiya-hiyang makitungo sa anticristo, na hindi siya isang taong may integridad, kundi malupit at makitid ang utak. Kung ganoon, makakasundo ba ng anticristo ang mga normal na tao? Hindi, hindi nila makakasundo ang mga ito. Hindi lang ito isang usapin ng isang normal na taong may ilang masamang gawi, kundi isang usapin ng kanyang disposisyon. Sa sandaling makita ninyo ang kanyang disposisyon, mapapagtanto ninyong hindi siya tao, kundi isang halimaw, isang diyablo. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang pakiramdam kapag nakikisalamuha ang mga tao sa mga hayop? Katulad ito ng pagdadala ng baboy sa loob ng bahay, nililinisan ito, sinusuotan ng maliliit na damit, at tinatrato bilang isang alagang hayop. Kinabukasan, makikita mong naging koral na ng baboy ang bahay. Kumakain ito, umiinom, at dumudumi sa bahay nang walang anumang pagsasaalang-alang sa kalinisan. Saka mo mapagtatanto na hindi ka puwedeng mag-alaga ng mga baboy sa ganitong paraan—mga hayop sila! Sa panlabas, ang mga taong tulad ng mga anticristo ay puwedeng magmukhang may kaunting kakayahan at pinalaki nang maayos, o maaaring minsan silang naging tanyag na tao sa lipunan, nakakuha ng kaunting paggalang. Pero karamihan sa kanila ay para lang mga hayop, na walang kahit konsensiya at katwiran. Nagtataglay ba sila ng normal na pagkatao? (Hindi.) Kapag walang normal na pagkatao, maituturing pa rin ba silang tao? Matatanggap ba ninyo ang kanilang pamumuno? Ano ang mangyayari kapag napasakamay ng ganoong mga tao ang mga kapatid? Malilihis at maaakit ang mga ito, at tiyak na magdurusa ang mga ito. Ang mga anticristo ay mga diyablo, at wala silang konsensiya o katwiran. Sa panlabas, tila napakamapagmahal, napakamaunawain, at napakamaawain nila sa mga paghihirap, kahinaan, at emosyonal na pangangailangan ng ilang tao. Sa realidad, ito ay mga taong pinapaboran nila at nambobola sa kanila. Ngunit kung magiging banta ang mga taong ito sa kanilang katayuan o reputasyon, kahit ang mga ito ay hindi tatratuhin nang may paggalang, sa halip ay imoral na pakikitunguhan gamit ang mas mapaminsala pang mga pamamaraan, nang walang ni katiting na awa o pagpaparaya. Ang pagmamahal at pagpaparaya ng mga anticristo ay pawang palabas lang, at ang mithiin nila ay talagang hindi ang dalhin ang mga tao sa harapan ng Diyos, kundi ang hikayatin ang mga itong sambahin at sundin sila. Ang layunin nila sa pambibitag sa mga tao sa ganitong paraan ay ang patatagin ang sarili nilang posisyon at kamtin ang pagsamba at pagsunod ng mga tao. Kahit ano pang paraan ang gamitin ng mga anticristo upang ilihis at akitin ang mga tao, isang bagay ang sigurado: Pipigain nila ang utak nila at gagamitin nila ang anumang paraang kinakailangan alang-alang sa sarili nilang kapangyarihan at katayuan. Ang isa pang katiyakan ay na kahit na ano pang gawin nila, hindi nila ito ginagawa para gampanan ang mga tungkulin nila, at talagang hindi nila ito ginagawa para tuparin nang maayos ang mga tungkulin nila; sa halip, ginagawa nila ito upang maisakatuparan ang mithiin nilang humawak ng kapangyarihan sa loob ng iglesia. Higit pa rito, kahit ano pang gawin nila, hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at talagang hindi nila isinasaalang-alang ang mga interes ng mga hinirang na tao ng Diyos. Sa diksiyonaryo ng mga anticristo, wala ang dalawang konsiderasyong ito; likas na wala sila ng mga ito. Anuman ang antas ng pamumuno nila, hindi sila nagpapakita ng kahit kaunting malasakit sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga hinirang na tao ng Diyos. Sa mga kaisipan at pananaw nila, walang kaugnayan at hindi nababagay sa kanila ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Iniisip lang nila ang sarili nilang posisyon at ang sarili nilang mga interes. Mula rito, makikita na ang kalikasang diwa ng mga anticristo, bukod sa pagiging buktot, ay partikular na makasarili at kasuklam-suklam. Kumikilos lang sila alang-alang sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nang hindi binibigyan ng ni katiting na pansin ang buhay at kamatayan ng iba. Ang sinumang nagiging banta sa kanilang posisyon ay sumasailalim sa imoral na panunupil at pagbubukod, at pinarurusahan nang pinakamatindi. Kung minsan, kapag isinusumbong ang mga anticristo dahil sa paggawa ng napakaraming kasamaan at natutuklasan ng Itaas ang tungkol sa mga iyon, at pakiramdam nila ay mawawala na ang posisyon nila, lumuluha sila nang mapait. Sa panlabas, tila nagsisisi sila at mukhang nanunumbalik sa Diyos, pero ano ang tunay na dahilan sa likod ng mga luha nila? Ano talaga ang pinagsisisihan nila? Nalulungkot at nagdurusa sila dahil nawala sa kanila ang loob ng mga tao, ang sarili nilang posisyon, at ang reputasyon nila. Ito ang nakapaloob sa mga luha nila. Kasabay nito, pinagpaplanuhan na nila ang mga susunod nilang hakbang para mapatatag ang posisyon nila, matuto sila sa mga pagkakamali nila, at makabalik sila. Sa pag-oobserba sa pag-uugaling ito ng mga anticristo, hindi sila kailanman nakakaramdam ng pagsisisi o nagdurusa dahil sa mga pagsalangsang nila at sa mga tiwaling disposisyong ibinunyag nila, at talagang hindi nila tunay na makikilala ang sarili nila o magsisisi. Maaari silang lumuhod sa harapan ng Diyos, lumuha nang mapait, pagnilayan at isumpa ang kanilang sarili, pero isa itong palabas na naglalayong ilihis ang mga tao, at puwede pa ngang paniwalaan ng ilang tao na totoo ito. Posible na, sa sandaling iyon, totoo ang damdamin nila. Gayumpaman, kailangang matandaan na kahit kailan, hindi makakaranas ang mga anticristo ng tunay na pagsisisi. Kahit na isang araw ay mabunyag at mapalayas sila, hindi sila makakaramdam ng tunay na pagsisisi. Kikilalanin lang nila ang sarili nilang pagkabigo, na pumalpak sila sa pagganap nila at isiniwalat ang lahat ng masama nilang gawa. Bakit Ko ito sinasabi? Batay ito sa kalikasan ng mga anticristo na namumuhi sa katotohanan at sa Diyos. Hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan. Samakatwid, ang pagkakilala sa sarili ng mga anticristo ay palaging mali. Tatanggapin lang nilang nawala sa kanila ang loob ng mga tao dahil nabigo silang samantalahin ang mga pagkakataon na makuha ang kapangyarihan at mapatatag ang posisyon. Ang pagsisisi at pagdurusa nila ay para sa mga kadahilanang ito. Kapag nagdadalamhati ang mga anticristo, puwede rin silang lumuha, pero bakit sila umiiyak? Ano ang nasa likod ng mga luha nila? Lumuluha sila dahil naisiwalat ang marami nilang masamang gawa at nawala ang kanilang posisyon. Kung kaya nilang tunay na magsisi at lumuha dahil sa paggawa ng masama at pakiramdam na may pagkakautang sila sa Diyos, hindi sila gagawa ng ganoong maraming kasamaan. Hindi sila nakokonsensiya at hindi nila inaamin ang masasama nilang gawa—paano ngayon lilitaw ang tunay na pagsisisi? Pagkatapos gumawa ng kasamaan, hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi; talagang wala silang pakialam, ang nararamdaman lang nila ay napahiya sila at nagmukha silang katawa-tawa. Puwedeng bumagsak nang bahagya ang damdamin nila. Sa kabila ng panlabas na pag-asta na parang walang mali, sa realidad, sa kaibuturan ay para silang pipi na tumitikim ng mapapait na damong-gamot—nagdurusa nang tahimik. Nakakaranas sila ng samu’t saring emosyon sa puso nila at lumuluha sila nang mapait, pero walang tunay na pagsisisi. Ito ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari. Kung minsan, maaaring magsabi ang mga anticristo ng mga salitang masarap pakinggan, gaya ng, “Mahina kasi ang kakayahan ko kaya hindi ko nagawa nang maayos ang trabaho ko at nakagawa ako ng ilang bagay na nakakagulo at nakakagambala; nabigo akong manguna at hindi ako karapat-dapat sa pamumuno. Nawa ay disiplinahin at sumpain ako ng Diyos. Kung magpapasya kayong hindi ako piliin para sa pamumuno sa hinaharap, hindi ako magrereklamo.” Pagkatapos na pagkatapos nito, bigla silang iiyak. May ilang taong walang pagkilatis na nahahabag sa kanila, at nagsasabi, “Huwag kang umiyak, pipiliin ka ulit namin sa hinaharap.” Pagkarinig nito, agad silang tumatahan. Nakikita na ba ninyo ngayon ang tunay nilang kulay? Kapag nagsasabi sila ng ilang magandang salita, ito ay para makuha ang loob ng mga tao, ilihis ang mga ito, at linlangin ang mga ito, at nahuhulog pa nga rito ang ilan. Sa tuwing lumuluha ang mga anticristo, walang dudang may motibo sa likod nito. Kapag nagsisimula na silang kuwestyunin ng mga taong sumasamba sa kanila at nagiging alanganin ang katayuan nila, umiiyak sila. Sa sobrang pagkabalisa nila ay hindi na sila makakain o makatulog, paulit-ulit nilang sinasabi sa pamilya nila, “Paano ako magpapatuloy kung wala ako sa posisyon ng pamumuno?” Sumasagot ang pamilya nila, “Hindi ba’t maayos naman ang pamumuhay mo noong wala kang katayuan? Bakit hindi mo maipagpatuloy ang pamumuhay?” Sumasagot sila, “Kung wala akong posisyon, matatanggap ko pa rin ba ang mga pakinabang na ito? Magiging maluwag pa rin ba ang pamumuhay natin? Bakit napakahangal mo?” Sa tahanan nila, lantarang sinasabi ng ilan, “Ano ang punto ng pamumuhay nang walang katayuan? Ano ang kahulugan ng buhay? Iilan lang tayo sa pamilya, at sa bahay, ang iilang ito lang ang mapapangasiwaan ko. Isa lang akong ulo ng tahanan, at hindi mataas ang katayuan ko. Dapat akong humawak ng katungkulan sa iglesia; kung hindi, sayang ang buhay ko. Isa pa, kung wala ang posisyong ito sa iglesia, magiging ganito ba kaganda ang buhay ng pamilya natin?” Kapag walang nakakakita ay matapat silang nagsasalita, at nalalantad ang mga ambisyon nila. Hindi ba’t isa itong taong walang kahihiyan? Ang panlilihis ng mga anticristo ay hindi isang paminsan-minsang pagsalangsang—sinasadya ito. Kung mga paminsan-minsan at hindi sinasadyang masamang kilos ang mga ito, hindi sila maituturing na mga anticristo. Ang mga anticristo ay sadyang nanlilihis ng mga tao; kontrolado sila ng kalikasan ni Satanas. Ito ang dahilan kung bakit palagi silang nanlilihis ng mga tao, sadya nilang ginagamit ang pamamaraang ito para kontrolin ang mga ito at sa huli ay magkaroon sila ng kapangyarihan. Sa katunayan, ang layunin ng anticristo sa panlilihis at pagkokontrol ng mga tao ay ang mahikayat ang mga itong makinig sa kanila, sumunod sa pamumuno nila, at lumayo sa Diyos. Napakalinaw ng mga layunin ng anticristo; nilalayon niyang makipagkompitensiya sa Diyos para sa mga tao. Ang mga kilos niya ay hindi mga panandaliang pagpapakita ng katiwalian, ni ginagawa nang padalus-dalos, nang labag sa loob, at tiyak na hindi inoobliga ng mga espesyal na sitwasyon. Ito ay ganap na dahil sa buktot niyang kalikasan, sa matataas na mga ambisyon at pagnanais niya, sa mapaminsalang disposisyon niya, at sa maraming pakana niya. Ang kakayahan niyang magawa ang mga bagay na ito ngayon ay tinutukoy ng kalikasang diwa niya: Pagkatapos sumampalataya sa Diyos, kinimkim niya ang mga layunin at pakanang ito, naghihintay lang na maging lider para simulang tuparin ang mga pangarap na ito at maisakatuparan ang mga mithiin niya. Ito ang tunay na kalagayan ng puso ng isang anticristo, at kahit kaunti ay hindi ito nagbabago.
Mula sa paksang tinalakay sa itaas, dapat ninyong maunawaan ang katotohanang kailangan ninyong mapasok. Sa isang aspekto, dapat ninyong kilatisin ang mga anticristo at masasamang taong nagbubunyag ng ganoong mga pag-uugali at kalikasang diwa. Sa iba pa, dapat din ninyong ikumpara ang inyong sarili para makita kung nagpapakita kayo ng mga pag-uugaling ito. Ngayon, kung may makikita kayong pagkakatugma sa sinasabi ninyo at sa pananalita ng mga anticristo, o kung kapwa kayo nagpapakita ng mga parehong pag-uugali sa mga parehong sitwasyon, kaya ba ninyong kilatisin ang mga pagkakapareho sa nabunyag ninyong disposisyon o sa pagsasagawa sa pagitan ninyo at ng mga anticristo? Kaya ba ninyong arukin ang katotohanang ibinahagi rito sa pamamagitan ng ilang halimbawang tinalakay Ko o ang mga detalye, salita, at kilos na inilarawan sa mga halimbawang iyon, o kaya ba ninyong unawain ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao na isiniwalat dito? Kaya ba ninyong makinig nang ganito? Mula sa anong perspektiba kayo nakikinig? Kung ganap ninyong nakikilatis ang mga disposisyon at diwang ito ng mga anticristo at tinitingnan ninyo ang mga pag-uugali at gawing ito mula sa perspektiba ng isang tagamasid, makakamit ba ninyo ang katotohanan? (Hindi.) Kung ganoon, mula sa anong perspektiba kayo dapat makinig? (Sa pagkukumpara ng sarili.) Ikumpara ninyo ang inyong sarili—ito ang pinakapangunahing bagay. Ano pa? (Sangkapan ng katotohanan ang sarili.) Tama, ibig sabihin nito ay pag-unawa sa katotohanang kailangan ninyong maunawaan sa bawat halimbawang tinatalakay Ko. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay nakauunawa lang ng mga katunayan, habang ang mga taong may espirituwal na pang-unawa at nagtataglay ng mahusay na kakayahan, ay nakauunawa at nagkakamit ng katotohanan mula sa mga iyon. Kaya ba ninyong ibuod ang mga katotohanang nakapaloob sa mga kuwento at halimbawang natalakay? Ang pagbabahaginan tungkol sa mga partikular na kuwento o halimbawa ay naglalayong matulungan ang mga taong maiugnay ang mga iyon sa realidad, mas mabuting maunawaan ang iba’t ibang usaping nasasalamin sa realidad, at mapalalim ang ideya nila sa iba’t ibang pagpapamalas at diwa na may kaugnayan sa aspektong ito ng katotohanan. Sa madaling salita, pagdating sa aspektong ito ng katotohanan o kalikasang diwa, mag-iisip ka ng isang partikular na halimbawa o eksena. Sa ganoong paraan, kapag naunawaan mo ang iyong sarili o nakilatis mo ang iba, magkakaroon ka ng biswal na pang-unawa na mas madaling arukin, mas praktikal, at mas kongkreto kaysa sa pagbabasa lang ng teorya o teksto. Kung teksto lang ito at wala kang karanasan dito, ang pang-unawa mo sa teksto ay maaaring maging limitado sa mga mismong salita, palaging napipigilan ng sarili mong mga limitadong karanasan, at nananatili lang sa saklaw na iyon. Gayumpaman, kung magdaragdag Ako ng mga partikular na halimbawa, gagawa ng ilang kuwento, ilang eksena, mga partikular na salita at kilos, at pag-uugali sa pagbabahagi Ko, magkakaroon ito ng pansuportang epekto sa pag-unawa mo sa katotohanan sa aspektong ito. Kung makakamit ang epektong ito, ibig nitong sabihin ay naunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan. Anong antas ng pang-unawa ang dapat mong maabot para maituring itong pang-unawa? Hindi ito kailangang maging 100 porsyento, pero ang pag-arok, depinisyon, konsepto, at kaalaman mo sa aspektong ito ng katotohanan ay dapat na napatibay kahit papaano. Ano ang ibig sabihin ng pagpapatibay na ito? Ibig sabihin nito ay nagiging medyo dalisay ito, talagang walang anumang pantaong kaalaman, kuru-kuro, imahinasyon, o haka-hakang pinaghalo, o kaunti ng mga bagay na ito na pinaghalo. Ito ang mga epekto ng ganoong mga halimbawa. Puwedeng kilala mo ang mga tao o alam mo ang mga pangyayaring binabanggit Ko sa ilan sa mga halimbawang ito, o may malapit na pakikipag-ugnayan pa nga at medyo pamilyar sa ganoong mga tao, o baka nakatagpo ka na ng ganoong mga pangyayari at nasaksikhan mo pa nga ang buong proseso ng paggawa ng mga taong ito ng ganoong mga bagay. Pero ano ang mga pakinabang nito sa pang-unawa at pagkilala mo sa katotohanan? Posible na nakasama mo sa tirahan ang ganoong mga tao, nakita mong naganap ang mga kuwentong gaya nito, at naranasan mo mismo ang lahat ng nangyari sa mga kuwentong ito, pero hindi ibig sabihin niyon na nauunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Huwag mong ipagpalagay na dahil alam mo o pamilyar ka sa tao o pangyayaring sinasabi Ko ay hindi mo na kailangang pakinggan ang mga detalye o ang katotohanan at ang partikular na paksang pinagbabahaginan dito. Magiging malaking pagkakamali iyon. Kahit na kilalang-kilala mo ang taong iyon, hindi ibig sabihin nito na naunawaan at naarok mo na ang katotohanan dito. Bakit pinapaalala Ko ito sa inyo? Ito ay para hindi kayo masyadong maging interesado sa mga detalye. Sa tuwing makakakita kayo ng taong gumagawa ng ganito at ginagawa siyang halimbawa ng Diyos, pinagtatawanan ninyo siya at kinukutya ang ganoong mga tao. Ito ba ang tamang maging saloobin sa katotohanan? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t pagkalihis ito ng landas? Ito ay may pagkiling na pag-arok. Dahil sa mga maliwanag na halimbawa, kuwento, at partikular na tao at pangyayaring ito kaya tunay na napapahalagahan ng lahat ng tao kung ano ang paghahayag ng mga tao ng tiwaling disposisyon, ang tunay na masaksihan kung ano ang paghahayag ng tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng mga tao, kung ano ang kalikasang diwa ng mga tao, kung ano ang tiwaling disposisyon, kung anong uri ng landas ang tinatahak ng mga taong may partikular na uri ng tiwaling disposisyon at kalikasang diwa, kung ano ang minamahal nila, kung ano ang lawak ng mga emosyon nila, kung paano sila umaasal at nakikitungo sa mundo at kung ano ang pananaw nila sa buhay, kung ano ang mga prinsipyo nila sa pakikitungo sa mundo, at kung ano ang maaaring saloobin nila sa Diyos at sa katotohanan. Dahil mismo sa mga halimbawang ito, sa mga partikular na indibidwal at mga kongkretong pangyayaring ito, kaya napagsasama nang mas mabuti ng mga tao ang katotohanang realidad at ang pagbubunyag ng Diyos sa diwa ng tao, nagkakamit ng medyo mas malinaw at mas tumpak na pananaw sa mga bagay-bagay. Kaya, ano ang ibig Kong sabihin sa likod ng mga salitang ito? Ito ay na hindi mo dapat maliitin ang mga kuwentong ito. Anumang uri ng kuwento ang isalaysay Ko, kanino mang kuwento ito, o sa anumang uri ng tao ang kuwentong ito, iisa lang ang mithiin, at iyon ay ang tulungan kang maunawaan ang katotohanan. Kung makakamit mo ang katotohanan mula rito, nakamit na ang ninanais na epekto. Samakatwid, maaari ka lang mabigyang-daan ng mga kuwentong ito na maunawaan ang ilang mababaw na katotohanan sa unang beses na marinig mo ang mga ito, na maarok ang mababaw na kahulugan o literal na interpretasyon. Gayumpaman, habang patuloy na lumalago ang iyong tayog, habang tumatanda ka, habang lumalago ka sa buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang sitwasyon, unti-unti ring nagiging hinog ang buhay mo, at nagkakaroon ka ng iba’t ibang pagkaunawa sa mga pangyayari sa mga kuwentong ito at sa kalikasang diwa, pag-uugali, at pagpapamalas ng iba’t ibang indibidwal na nasasalamin dito. Paano nabubuo ang mga pagkaunawang ito? Nagmumula ang mga ito sa mga katotohanang nakapaloob sa mga kuwentong ito, hindi mula sa mismong mga kuwento. Kung pagkukuwento lang ito, gaya ng kuwento ng “Ang Batang Sumigaw na May Lobo,” pagkatapos mo itong mapakinggan, iyon na ang lahat; wala itong kinalaman sa katotohanan. Tinuturuan lang nito ang mga tao kung paano kumilos: Napakatuwiran at napakababaw nito. Pero pagdating sa katotohanan, ang lalim ng ganoong kuwento ay lumalagpas sa mabababaw na kahulugang madaling maunawaan ng isang tao. Tinatalakay nito ang tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng mga tao, nakapaloob dito kung paano kikilatisin ang mga tao, kung paano pipiliin ang landas ng isang tao, kung paano haharapin ang katotohanan, at kung ano dapat ang mga saloobin ng mga tao bilang tugon sa mga hinihingi ng Diyos. Nakapaloob dito kung ano ang dapat tanggihan ng mga tao at kung ano ang dapat nilang tanggapin. Kung magagawa ninyong makinig sa ganitong paraan, sa tuwing makakarinig kayo ng mga sermon ay may makukuha kayo, magkakamit ng mas maraming kaliwanagan tungkol sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, makauunawa ng mas maraming prinsipyo, at makakaranas ng kaunting buhay pagpasok. Habang tumatanda ang mga tao, habang lumilipas ang panahon, habang nagbabago ang mga sitwasyong panlipunan, habang nagbabago ang mga kalakaran, patuloy na gumagawa ang katotohanan sa puso ng mga tao, at malalaman nila kung paano isasagawa ang katotohanan, at kung paano titingnan ang mga tao at bagay batay sa katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pagkakamit ng buhay—ang katotohanan ay puwedeng maging buhay ng isang tao. Samakatwid, kailanman isinasalaysay ang isang kuwento, huwag kayong makinig nang isang beses lang at isipin ninyong tapos na ito. Patuloy kayong makinig, at kung hindi ninyo ito maintindihan, puwede ninyo itong pagbahaginan. Kung nahihirapan kang arukin ito sa iyong kasalukuyang antas, maaaring dahil ito sa kulang ang tayog mo. Kung ganoon, pakinggan mo ang kaya mong arukin at piliin mo ang naaakma sa kasalukuyan mong tayog. Kung ang isang kuwento ay tila maliwanag kapag narinig mo ito pero kalaunan ay lumalabas na malalim, kung lagpas ito sa pag-arok mo, o hindi ito naaayon sa mga karanasan at sitwasyon mo sa buhay sa yugtong ito, ingatan mo ito sa puso mo at hayaan mong tumimo ito sa iyo. Kapag naharap ka sa mga kaparehong sitwasyon kalaunan, ang iningatan mo sa puso mo ay maaaring makita sa panlabas. Katulad lang ito ng bokabularyo at mga terminong pinag-aralan mo o ng impormasyong tinandaan mo sa utak mo. Araw-araw mo bang iniisip ang mga iyon? Malamang ay hindi. Hindi mo karaniwang iniisip ang mga iyon, pero kapag nalagay ka sa kapaligiran kung saan nauugnay ang mga termino, bokabularyo, o impormasyong ito, naiisip mo ang ilan sa mga ito. May mga alaala ang mga tao, at natural na nagtatabi sila ng ilang bagay sa utak nila. Sapat na ang mga bagay na ito para gamitin mo sa pang-araw-araw na buhay at puwedeng maging medyo kapaki-pakinabang, pero kung sadya mong susubukang gamitin ang mga ito at mahigpit na magpapatupad ng mga patakaran, mas malamang na magkakamali ka. Dapat ay piliin mo ang pakikinggan mo batay sa sarili mong tayog at sa mga sitwasyong naranasan mo. Sa ganitong paraan, mas magiging mabilis ang paglago mo. Ang mga taong marunong makinig ay magkakamit nang mas marami, habang ang mga taong hindi ay magkakamit nang mas kaunti, o baka wala talaga. Baka maramdaman pa nga nilang wala sa mga kuwentong ito ang karapat-dapat pakinggan, wala sa mga ito ang naglalaman ng katotohanan, at nagtataka kung bakit hindi Ko tinatalakay ang katotohanan sa halip na nakikipagdaldalan nang walang katuturan at nakikipagtsismisan sa lahat ng oras. Anong uri ng mga tao ang nagpapakita ng pag-uugaling ito? (Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa.) Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay puwedeng mag-isip sa ganitong paraan. Puwede nilang isipin na kapag nagsesermon Ako, tinatalakay Ko lang ang mga pang-araw-araw na usaping ito; aba, ganoon din sila, kapag wala silang magawang anuman ay walang katuturan silang nakikipagdaldalan sa iba. Baka mas maraming tsismis ang alam mo kaysa sa mga kuwentong isinasalaysay Ko, pero nakapaloob ba ang katotohanan sa mga pakikipag-usap mo? (Hindi, hindi nakapaloob ang mga ito.) Kung hindi nakapaloob ang katotohanan sa mga ito, ingatan mong huwag magsalita nang walang pakundangan, o baka mauwi kang tinatalakay ang mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan. Nagkukuwento Ako para matulungan ang mga taong maunawaan ang katotohanan. Hindi ninyo Ako dapat pikit-matang gayahin. Dapat ay tumuon lang kayo sa paghahanap sa katotohanan, pag-unawa sa katotohanan, at pagsisikap na pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Sa pananalita o sa mga kilos man ninyo, unahin ninyo ang pag-ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan, unti-unti kayong makakapasok sa katotohanang realidad.
III. Isang Pagsusuri Kung Paano Tinatakot ng mga Anticristo ang mga Tao
Tapos na tayong magbahagi tungkol sa dalawang pagpapamalas ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao at pang-aakit sa mga ito; ngayon naman, magbahagi tayo tungkol sa kung paano nila tinatakot ang mga tao. Ang bawat paraang ito ng mga anticristo ay patindi nang patindi. Kapag ikinumpara sa panlilihis at pang-aakit, mas sopistikado ba ang paraang ito ng pananakot o hindi gaano? (Hindi gaano.) Kung hindi gagana ang panlilihis at pang-aakit, gagamit sila ng mga pananakot. Paano tinatakot ng isang anticristo ang mga tao? Bakit gumagamit sila ng ganoong paraan? (Dahil hindi natutupad ang mga layunin nila.) Hindi natutupad ang mga layunin nila. May isa pang kahulugang nakapaloob sa pananakot—anong salita ang puwedeng gamitin para ipahayag ito? (Pagpapakita ng tunay nilang kulay.) Hindi iyon masyadong tumpak; magbigay pa kayo ng ibang salita. (Pagkagalit dahil sa pagkakapahiya.) Medyo malapit na kayo. Mayroon bang mas angkop na salita? (Pagkayamot at matinding galit.) Eksakto, pagkayamot at matinding galit. Katulad ito ng kasabihan ng mga tagarito na “sumasabog sa galit”; ang ibig sabihin, “Nasubukan ko na ang parehong mabubuti at masasamang salita. Sa pangkalahatan ay hindi ko kayo kailanman tinrato nang hindi patas. Bakit ayaw mong makinig sa akin? Dahil ayaw mong makinig, makukuha mo ang sa iyo: Gagamitin ko ang taktikang ito sa iyo—mga pananakot!” Binabago nila ang taktika nila. May iba’t ibang taktika si Satanas, lahat ng ito ay kasuklam-suklam. Ang mga pananakot ay karaniwang sinasamahan ng panunukso. Kung gagamit lang sila ng mga pananakot, ang ilang tao ay hindi natatakot at hindi nakikinig sa kanila. Kung ganoon ay wala na silang ibang magagawa at puwedeng gumamit ng panunukso. Kung hindi ito gagana ay susubukan nilang gawin iyon—gagamit sila ng parehong mga mahinahon at mabagsik na taktika. Kaya, bakit tinatakot ng mga anticristo ang mga tao? Sa mga anong pangyayari sila gumagamit ng mga pananakot? Kung magkasamang namumuhay nang payapa ang dalawang tao, bawat isa ay tumatahak sa kanya-kanyang landas, nang walang mga salungatan ng interes sa pagitan nila, gagamit ba sila ng mga pananakot? (Hindi.) Kung ganoon ay sa mga anong pangyayari magsisimulang lumitaw ang pag-uugali at gawi na ito ng pananakot? Siyempre, ito ay kapag nasangkot ang kanilang mga interes o reputasyon, kapag hindi natutupad ang mga layunin nila. Inilalabas nila ang mga alas nila, iniisip na, “Ayaw mong makinig sa akin? Kung ganoon ay ipapakita ko sa iyo ang mga kahihinatnan!” Ano ang mga kahihinatnang ito? Kung anuman ang kinakatakutan mo. May natatandaan ba kayong halimbawa ng mga pananakot na nasaksihan ninyo? (May ilang anticristo, na kapag nakikita nilang hindi nagpapasakop sa kanila ang mga kapatid, ay sinisimulan nilang husgahan at kondenahin ang mga ito, sinasabi na, “Ang hindi pagpapasakop sa mga lider ay hindi pagpapasakop sa Diyos,” at ginagamit nila ito para takutin ang mga tao.) (May naiisip pa akong isang halimbawa na kung may isang taong hindi nakikinig sa pamunuan, ginagamit ng lider ang awtoridad niya para palitan ang taong ito.) Gayunpaman, gusto nilang maunawaan ng mga tao na magdudulot ng mga kahihinatnan ang hindi pakikinig sa kanila. Kaya, ano ang batayan nila sa pamimilit sa mga taong makinig sa kanila? Madalas nilang sinasabi, “Ang pagpapasakop sa pamunuan ay pagpapasakop sa Diyos, dahil ang pamunuan ay iniatas ng Diyos. Dapat kang magpasakop. Kung hindi ka magpapasakop o makikinig sa mga lider, iyon ay pagmamataas, pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at paglaban sa Diyos. Ang kahihinatnan ng paglaban sa Diyos ay ang pagtitiwalag. Sa mga hindi malubhang kaso, puwede kang ihiwalay para sa pagninilay sa sarili; sa mga malubhang kaso, puwede ka pa ngang patalsikin sa iglesia!” Ginagamit nila ang mga parang makatwirang panlilinlang na ito para pilitin ang mga taong magpasakop sa kanila. Maliban dito, paano tinatakot ng ibang partikular na anticristo ang mga tao? Inuudyukan nila ang iba na labanan at tanggihan ang mga hindi nagpapasakop sa kanila. Dagdag pa rito, pinapalitan nila ang mga hindi sumusunod sa kanila o inililipat ang mga ito sa ibang tungkulin. Ang ilang indibidwal ay talagang natatakot na mawawalan sila ng tungkuling gagawin. Naniniwala silang sa paggawa ng mga tungkulin nila, puwede silang magkaroon ng tsansa sa kaligtasan, at ang kabiguang gumawa ng tungkulin ay puwedeng makapag-alis niyon. Iniisip ng mga anticristo sa puso nila, “Alam ko ang kahinaan mo. Kung hindi ka makikinig sa akin, aalisan kita ng karapatang gawin ang tungkulin mo. Hindi kita pahihintulutang gawin ang tungkulin mo!” Hindi ba nila pinapahintulutan ang mga taong gawin ang tungkulin ng mga ito dahil ang mga taong ito ay hindi kwalipikadong gawin ang tungkulin nila o dahil napipinsala nito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kung ganoon ay bakit nila ito ginagawa? Ito ay para ipuwera ang mga taong hindi sumasang-ayon at gamitin ang paraang ito para takutin ang mga tao at pilitin silang makinig. Pagdating sa mga pananakot, talagang hindi sinusunod ng mga anticristo ang mga katotohanang prinsipyo sa pakikitungo sa mga tao o sa pangangasiwa sa mga usapin. Sa halip, gumagamit sila ng paninindak, pamumuwersa, at pamimilit para masunuring magpasakop at makinig ang mga tao sa kanila at hindi sila bigyan ng anumang problema o sirain ang mga gawain nila.
Ang paggamit ng anticristo ng mga pananakot ay hindi lang dahil hindi siya sinusunod o hindi siya siniseryoso at binabalewa siya ng mga tao—isang aspekto lang iyon nito. May isa pang dahilan, iyon ay, kapag natuklasan ng iba ang mga problema ng anticristo at gustong ilantad ang mga ito o iulat ang mga ito sa Itaas, natatakot siya na baka matuklasan ito ng Itaas o baka marami pang taong makaalam nito, kaya ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya para pagtakpan ang mga bagay na ito at supilin ang mga ito, hindi kailanman hinahayaang masiwalat ang mga ito. Anong mangyayari kung mas maraming tao ang makaalam? Tatanggihan at isusumpa nila ang anticristo, wala nang sasamba sa kanila, at mawawalan na sila ng posisyon at awtoridad. Samakatuwid, ang layunin ng anticristo sa paggamit ng paraang ito ng pananakot sa mga tao ay para rin ingatan ang sarili nilang posisyon at awtoridad. Naniniwala silang kung hindi nila ito gagawin, magsisimula na silang kilatisin ng mga kapatid, at hindi na sila mapipili sa susunod na halalan, magiging isa na lang silang karaniwang mananampalataya. Ano ang ibig sabihin para sa kanila ng pagiging isang karaniwang mananampalataya? Ibig nitong sabihin ay wala silang awtoridad, walang susunod sa kanya o magiging mga tagasuporta niya, at ang posisyon at awtoridad nila ay tinanggal, iniiwang hindi natutupad ang mga ambisyon at pagnanais nila. Ayaw nilang maging karaniwang mananampalataya o tagasunod, kaya ginagamit nila ang paraang ito ng pananakot sa mga tao para sindakin at pilitin ang mga taong makinig sa kanila at magpasakop sa kanila, na nagpapahintulot sa kanilang patuloy na kumapit sa kanilang awtoridad at posisyon, patuloy na kontrolin ang mga tao at tanggapin ang suporta ng ilang tao. Ang lahat ng ginagawa ng anticristo ay umiikot sa kanilang posisyon. Sa tuwing ang anumang bagay ay may kinalaman sa posisyon nila, gagamit sila ng mga partikular na diskarte o paraan para puspusan itong ingatan at protektahan; kahit kapag nagtatanong ang Itaas sa ilang tao tungkol sa mga partikular na usapin, nagagawa nilang lantarang magsinungaling sa harapan ng mga ito. Halimbawa, nang tinanong ng Itaas kung ilang tao ang nakamit ng iglesia sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa buwang ito, kahit na alam ng anticristo na wala itong nakamit, puwede silang magsinungaling at magsabing may nakamit na limang tao. Nang kinompronta ang anticristo ng mga kapatid na nakakaalam ng katotohanan, sinasabi na, “Nagsisiyasat lang ang limang taong iyon. Bakit sinabi mong nagkamit tayo ng limang tao? Dapat mong sabihin ang totoo sa Itaas,” ano ang sinasabi ng anticristo? “Bakit hindi tayo puwedeng magkamit ng lima? Sinabi kong limang tao, kaya lima ito. Walang halaga ang opinyon mo. Kung sasabihin nating wala tayong nakamit ni isang tao, paano ko ipapaliwanag iyon sa Itaas? Kung gusto mo itong iulat, gawin mo, pero kung sasabihin mo ang totoo, baka pungusan ka ng Itaas. Baka tanggalin nila kayong lahat na sangkot sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, o buwagin pa nga ang grupo ng ebanghelyo. Kung ganoon ay hindi mo na magagawa ang mga tungkulin mo, at hindi ako ang dapat sisihin dito.” Nang marinig ito ng taong ito, natigilan siya at hindi naglakas-loob na isumbong ito. Hindi ba’t pananakot ito? (Oo.) Isa itong tahasang pananakot, na ganoon kalantad ipinarating. Kapag narinig ito ng ilang tao, iisipin nila, “May mga kahihinatnan ang pagiging matapat na tao. Kung matapat ako, hindi ko magagawa ang tungkulin ko, kaya hindi ko ito iuulat. Limang tao ang dapat naming iulat.” Ang ilang tao ay nababalisa sa kanilang puso, sinasabi na, “Kung wala tayong nakamit na sinuman, ganoon lang talaga iyon. Dapat tayong magpasakop sa kung paanong pinipili ng Itaas na pangasiwaan ito.” Ano ang pananaw ng anticristo pagkarinig dito? “Pagpapasakop? Depende ito sa sitwasyon. Alam ba ng Itaas ang mga paghihirap na hinaharap natin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ngayon? May pakialam ba sila rito?” Nang magsiyasat ang Itaas tungkol sa sitwasyon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi ito dahil wala silang alam sa mga hamon na kaakibat nito. Alam nila kung gaano karaming tao ang puwedeng makamit kahit papaano kada buwan, at hindi nila kailanman sinabi na kung walang makakamit na sinuman ang grupo ng ebanghelyo sa loob ng isang buwan, bubuwagin sila. Kaya saan nakuha ng anticristo ang pahayag na ito? (Inimbento nila ito.) Gawa-gawa nila ito para pagtakpan ang mga kasinungalingan nila, para kontrolin ang mga taong ito, para hindi makita ng Itaas o ng mga kapatid ang totoo sa mga kasinungalingan nila, at para patatagin ang posisyon nila para hindi siya mapalitan—para dito ay nangahas siyang mag-imbento ng ganoong mga maladiyablong salita. Kaya siyang ilantad ng mga taong mapagkilatis, pero ang mga taong walang pagkilatis ay nalilihis, nag-iisip na, “Oo nga, hindi madaling gawin ang tungkuling ito. Hindi tayo puwedeng maging matapat sa Itaas. Kung sinasabi mong may limang tao, may lima. Kahit na wala tayong anumang nakamit ngayong buwan, hahangarin nating makuha sila sa susunod na buwan. Tutal, kung makakamit natin sila sa susunod na buwan, hindi na ito magiging kasinungalingan.” Nandaraya ang anticristo, at ginagawa rin ito ng mga taong sumusunod sa kanila; isang grupo sila ng mga mandaraya. Ano ang mithiin ng anticristo sa pananakot sa mga tao? Ito ay ang pilitin ang mga itong magpasakop at makinig sa kanila. Nagsisinungaling sila at gumagawa ng masama, kinokontrol ang iglesia, nanlilihis ng mga tao, nagsasagawa ng gawain nang hindi sumusunod sa mga prinsipyo o sa mga pagsasaayos ng gawain, at kahit gaano pa sila kapabayang umasal, hindi nila pinahihintulutan ang mga kapatid na ilantad o iulat sila sa Itaas. Sa sandaling matuklasan nilang may nagbabalak na mag-ulat sa kanila sa Itaas, saka sila gumagamit ng mga pananakot. Paano nila tinatakot ang taong iyon? Sinasabi nila, “Gumagawa tayo dito sa ibaba, at mahirap ang gawain. Hinaharap pa nga natin ang panganib ng pagkakaaresto ng malaking pulang dragon. Palaging hinihingi ng Itaas na sumunod ang pagsasagawa natin sa mga pagsasaayos ng gawain. Napakarami nating tinitiis na pagdurusa at napakalaki ng hinaharap nating panganib sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kapag hindi maganda ang mga resulta at gusto mo pa ring iulat ang mga iyon sa Itaas, pagkatapos mong mag-ulat ay pupungusan ka nila. Pagkatapos ka nilang pungusan, hindi ako natatakot na mapalitan bilang lider, pero natatakot akong wala na kayong tungkuling gagawin. Kung wala na kayong tungkuling gagawin, huwag ninyo akong sisihin!” Parang napakamakatwiran nito! Sinasabi rin nila, “Sino ba talaga ang gustong mag-ulat nito? Kung gusto ninyo itong iulat, hindi ko kayo pipigilan; alam na rin naman ng lahat ang tungkol sa mga bagay na ito. Kung hindi ninyo ito iuulat sa Itaas, hindi nila tayo sisisihin. Kung iuulat nga ninyo ito, mapupungusan tayo. Kayo ang makakapagpasya para sa inyong sarili; kung gusto ninyo itong iulat sa Itaas, sige. Ngayon, kung sinuman ang gustong mag-ulat nito, magtaas kayo ng kamay.” Kapag narinig ng lahat ang tono ng pananalita nila, magsisimula silang mag-isip, “Talaga bang may pahintulot akong iulat ito o hindi?” Pagkatapos mag-isip, may ilang taong nagtataas ng mga kamay. Nakikita ito ng anticristo at iniisip, “Gusto mo pa rin itong iulat? Hindi ba’t naghahanap ka ng gulo? Sige, hindi kita kakalimutan.” Pagkatapos, nagsisimula silang mag-isip ng mga pagkakataon para parusahan ang taong ito. Nakakahanap sila ng dahilan, sinasabi na, “Hindi ka nagbunga ng anumang resulta habang ginagawa mo ang mga tungkulin mo kamakailan. Ang sinumang hindi nagbubunga ng mga resulta habang gumagawa ng kanilang mga tungkulin sa loob ng tatlong buwan ay babawian ng karapatang gumawa ng mga tungkulin. Kung hindi bubuti ang pagganap niya, ihihiwalay siya. Kung hindi pa rin siya magsisisi, paaalisin siya o patatalsikin!” Maglalakas-loob pa rin ba ang hangal na iyon, ang duwag na iyon na iulat ito? Pagkarinig nito, iisipin niya, “Hindi magiging kapaki-pakinabang sa akin ang pag-uulat ko. Ano ang punto ng pag-uulat ko? Kung iuulat ko ito at pagkatapos ay masusupil ako at daranas ng paghihiganti ng lider, at kung tatanggihan ako ng mga kapatid ko, ihihiwalay ako sa loob ng iglesia. Mas mahalaga para sa akin na makinig sa lider; ni hindi ko nga alam kung nasaan ang Diyos, may pakialam kaya Siya sa buhay at kamatayan ko?” Kaya, hindi na niya ito iniuulat. Hindi ba’t nasindak siya ng anticristo? (Oo.) Naniniwala ang taong ito “Maliit na bagay lang ang pagkakasala sa Diyos. Ang Diyos ay mapagmahal, mahabagin, mapagparaya, at mapagpasensya; hindi Siya mabilis magalit o manumpa at magparusa ng mga tao. Pero kung sasalungatin ko ang lider, kailangan kong magdusa. Walang maidudulot na mabuti sa akin ang pag-uulat sa mga problema; tatanggihan ako ng lahat. Hindi ko puwedeng gawin ang ganoong kahangal na bagay.” Hindi ba’t kawalan ito ng paninindigan? (Oo.) Paano dapat pakitunguhan ang ganoong taong walang paninindigang? Karapat-dapat ba siyang kaawaan? Ang ganoong taong walang paninindigan ay dapat na ibigay kay Satanas, sa anticristo, para hayaang parusahan siya ng anticristo—nararapat ito sa kanya. Wala siyang pananampalataya, determinasyon, at lakas na isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, pero pagdating sa pagpapasakop sa anticristo, nagkakaroon siya ng partikular na lakas, handang gawin ang anumang hinihingi sa kanya at puno ng sigasig. Kapag tinatakot at sinisindak siya ng anticristo, hindi na siya naglalakas-loob na iulat ang mga problema. Hindi ba’t isa itong duwag? Ano ang kolokyal na termino para rito? Pagiging marupok at bumibigay kapag nahaharap sa anticristo. Marami-raming tao sa iglesia ang naging marupok na dahil sa mga pananakot ng mga anticristo! Hindi alam ng mga indibidwal na ito kung paano haharapin ang katagang “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat.” Kapag tinatakot, tinatanggihan, o inihihiwalay sila ng anticristo, pakiramdam nila ay walang sumusuporta sa kanila, hindi sila sumasampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay o sa pagiging matuwid ng Diyos, at hindi sila naniniwala na ang buhay ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Sa ilang nakakasindak o nakakatakot na salita ng anticristo ay natatakot sila, at bumibigay sila, at hindi na sila naglalakas-loob na iulat ito.
Kapag iniuulat ng isang anticristo ang gawain nila sa Itaas, lantaran silang nagsisinungaling at nililinlang nila sila. Hindi ito matagalan ng ilang nakakaalam ng katotohanan at gustong iulat ang sitwasyon sa Itaas. Mahigpit na kinokontrol at binabantayan ng anticristo ang mga tao. Agad nilang natutukoy ang sinumang may tendensiyang mag-ulat ng isang isyu sa Itaas. Kapag wala silang ibang gagawin, tumutuon sila sa pagmamasid sa mga tao, sa mga salita at ekspresyon ng mukha ng mga ito, hinahanap ang mga taong may mga opinyon tungkol sa kanila, mga taong hindi tapat, mga taong hindi sumusunod sa kanila, mga taong nagiging banta sa kanilang posisyon, mga taong walang pakialam sa kanila, mga hindi sumeseryoso sa kanila, na hindi nagpapaupo sa kanila sa luklukan ng karangalan, at na hindi nagpapauna sa kanilang kumain sa oras ng pagkain. Nagdudulot ito ng problema para sa mga taong ito. Ano ang ginagawa ng anticristo sa ganoong mga tao? Ang ilang anticristo na mapaminsala ay hindi agad naglalantad ng tunay nilang kulay. Naghihintay sila ng pagkakataon para harapin ka. Kung hindi gagana iyon, gagamit sila ng malulupit na pananakot para iparamdam sa iyo na hawak nila ang buhay mo. Kung bilang isang mananampalataya ay puwede kang maligtas, kung kaya mong umabot sa dulo, kung puwede kang manatili sa iglesia—ang lahat ng ito ay nasa mga kamay nila at kailangan lang ng isang salita nila. Sila ang may huling pasya. Kung hindi ka makikinig, hindi ka susunod sa kontrol nila, hindi mo sila seseryosohin, at patuloy mong susubukang iulat ang mga isyu nila, magdurusa ka. Sisimulan nilang planuhin kung paano ka paparusahan. Ano ang tingin ng anticristo sa pag-uugali ng mga kapatid na pag-uulat sa mga isyu nila sa Itaas? (Bilang pagsusumbong.) Eksakto, hindi nila ito nakikita bilang pag-uulat ng isang sitwasyon; ang tingin nila rito ay pagsusumbong. Ano ang ibig sabihin ng pagsusumbong? Ibig nitong sabihin ay pag-uulat sa Itaas ng iba’t ibang bagay na ginagawa nila na lumalabag sa katotohanan at lahat ng masama nilang gawa, o pagsasalaysay sa Itaas ng mga bagay tungkol sa kanila na hindi alam ng iba. Itinuturing nila itong pagsusumbong. Sa sandaling matuklasan nilang may isang taong nagsusumbong, dapat parusahan ang taong iyon. Ang ilang taong magulo ang isip at walang paninindigan ay nasisindak sa mga pananakot ng anticristo, sa mga dominante at kasuklam-suklam na paraan nila. Kapag nagtatanong ang anticristo kung sino ang may pakikipag-ugnayan sa Itaas, bago pa sila makarating sa mga ito, agad nilang nililinaw, “Hindi ako iyon.” Tinatanong ng anticristo, “Kung ganoon ay paano nalaman ng Itaas ang tungkol sa usaping iyon?” Pinag-iisipan nila ito at sinasabi, “Hindi ko rin alam.” Nabubuhay sila sa patuloy na pagkatakot na parurusahan sila ng anticristo, palagi kinakabahan, nangangambang baka patalsikin sila ng anticristo sa iglesia. Nababalisa at natatakot sila sa puntong nahihirapan na silang makaraos man lang sa maghapon. Matatakot ba sila nang ganito kung hindi sila tinakot nang ganito ng anticristo? Hindi, hindi sila matatakot nang ganito. Higit pa rito, may tunay ba silang pananampalataya sa Diyos? Wala, wala silang pananampalataya. Sila ay walang paninindigan at mga taong magulo ang isip. Kapag nakakaharap nila ang anticristo, naduduwag sila. Wala silang tunay na paniniwala sa Diyos, pero kusang-loob silang nagpapasakop sa anticristo, handang gawin ang ipag-uutos nila. Sila, sa kalikasan, ay mga kampon ni Satanas.
Ano ang iba pang gawi na ginagamit ng mga anticristo para takutin ang mga tao? Ang ilang anticristo ay bihasa sa pagsasabi ng ilang tama at nakakaakit na doktrina para higpitan at pigilan ka. Sinasabi nila, “Hindi mo ba minamahal ang katotohanan? Kung minamahal mo ang katotohanan, dapat kang makinig sa akin dahil ako ang lider. Ang lahat ng sinasabi ko ay naaayon sa katotohanan. Dapat kang magpasakop sa anumang sinasabi ko; kapag sinabing kong pumunta ka sa silangan, hindi ka dapat pumunta sa kanluran. Kapag may sinabi ako, hindi ka dapat magdalawang-isip; hindi ka dapat magkaroon ng anumang opinyon o pikit-matang makialam. Ang sinasabi ko ay ang katotohanan.” Kung hindi ka makikinig sa kanila, puwede ka nilang kamuhian o kondenahin. Anong uri ng pagkondena? Sasabihin nila, “Hindi ka talaga isang taong nagmamahal sa katotohanan; kung talagang minamahal mo ang katotohanan, bilang lider, tama ang mga salita ko—bakit ayaw mong pakinggan ang mga iyon?” Ginagamit ng mga anticristo ang mga tila tamang teorya at doktrinang ito para kontrolin at higpitan ka. Higit pa rito, ipinapaasikaso ng ilang anticristo sa mga tao ang mga personal nilang gawain, sinasabi na, “Lider na ako ngayon, at wala na akong oras para sa ilang personal na gawain. Isa pa, isa akong lider, at ang mga gawain ko ay ang mga gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga gawain ng sambahayan ng Diyos ay mga gawain ko rin. Hindi na natin masyadong malinaw na matutukoy ang pagkakaiba ng mga iyon. Samakatuwid, kailangan ninyong makibahagi sa pagpasan ng ilan sa mga gawain ko sa bahay, ng mga bagay na tulad ng pag-aalaga ng mga bata, pagsasaka, pagbebenta ng mga gulay, o pagtatayo ng bahay, at ng mga bagay na gaya ng kakapusan ng pera sa bahay. Dati ay tungkulin ko ang mga bagay na ito, pero ngayong lider na ako, naging tungkulin na ninyo ito—dapat kayong makibahagi sa pagpasan nito. Kung hindi, palagi kong aalalahanin ang mga gawain ko sa bahay, magagambala ng mga bagay na ito, kung ganoon ay magiging epektibong lider pa rin ba ako?” Habang mas marami silang sinasabi ay mas lalo silang nagiging walang pakundangan. Naririnig ito ng ilang tao at iniisip, “Hindi namin naisip na isaalang-alang ang puso mo—talagang wala kaming puso! Hindi mo kailangang magsalita; simula ngayon, kami na ang bahala sa lahat ng gawaing bahay mo.” Anong uri ng masarap na pakinggang katawagan ang ibinibigay ng mga anticristo sa sarili nilang mga gawain sa bahay at sa mga gawain ng pang-araw-araw nilang buhay? Tinatawag nila ang mga itong “tungkulin ng mga tao,” ibig sabihin, tinatanggap ng mga anticristo ang pagtatrabaho ng mga tao para sa kanilang pamilya, pagseserbisyo sa mga bata at matanda sa sambahayan nila, at pag-aasikaso sa mga personal na gawain ng kanilang buhay, at ginagawa ang mga itong mga gawain ng sambahayan ng Diyos. Dahil ang mga ito ngayon ay mga gawain na ng sambahayan ng Diyos, dapat pagtrabahuhan ng bawat tao ang makatwiran niyang bahagi, at kung may gustong ipagawa sa iyo ang lider, nagiging tungkulin mo na ito. Hindi ba’t tama ito? Puwedeng isipin ng mga taong walang pagkilatis na tama ito. Naniniwala sila na dahil masyadong abala ang lider para asikasuhin ang sarili niyang mga gawain sa bahay, at sila mismo ay mahina ang kakayahan at hindi makaganap ng anumang tungkulin, matutulungan lang nila ang lider na umako ng ilang gawaing bahay. Kaya, sa tuwing hindi sila abala ay nagtatrabaho sila sa bahay ng lider, tumutulong sa iba’t ibang gawain. Maituturing ba itong pagganap sa kanilang tungkulin? Puwede lang itong tingnan bilang masigasig na pagtulong sa mga tao. Para sa mga taong tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos, na sumusunod sa kalooban ng Diyos, kapag ang mga pamilya nila ay nahaharap sa mga paghihirap, nagsasaayos ang iglesia ng mga taong tutulong at mag-aasikaso ng mga gawaing bahay nila. Sa ganoong mga kaso, maituturing ito, sa ilang paraan, bilang pagganap ng tungkulin. May katuturan na ba ito ngayon? Ang anticristo, abala sa panlilihis at pagkokontrol sa mga tao sa iglesia, ay nagsasaayos ng kanyang mga gawaing bahay para sa mga kapatid, sinasabing pagganap din ito ng kanilang tungkulin. Ang ilang kapatid, dahil sa kawalan ng pang-unawa sa katotohanan, ay nalilihis at bukal sa loob na umaako ng mga gawaing ito, nasisiyahang gawin ito. Kalaunan, nararamdaman pa nga nilang may utang sila sa lider, iniisip na, “Nagpakasakit ang lider para sa atin. Masyado tayong hindi karapat-dapat. Napakarami na nating nagawang trabaho, pero paanong hindi pa rin natin nauunawaan ang katotohanan?” Kung buong maghapon ay abala ka sa pagtatrabaho para sa lider at napapabayaan mo na ang pagdalo sa mga pagtitipon o pakikinig sa mga sermon, maaarok mo ba ang katotohanan? Talagang imposible. Pagpapagiliw ito hanggang sa punto ng kamatayan! Paghahabol ito sa anticristo at pagkaligaw sa isang likong landas. Madalas gumagamit ang anticristo ng mga tila tamang pahayag, binabalot at pinoproseso ang mga iyon sa tamang pananalita, na nagdudulot sa mga taong maling paniwaalan na ang mga salitang ito ay talagang ang katotohanan, isang bagay na dapat nilang sundin at isagawa, at na dapat nilang tanggapin ang mga salitang ito. Sa ganoong paraan, hindi kailangang kilatisin ng mga tao kung tama o mali ang ginagawa ng lider, o kung tama o mali ang sinusundan nila. Hindi ba’t totoo ito? Panlilihis ang tawag dito, at pananakot din ito ng mga tao. Ginagamit ng anticristo ang mga tila tamang teorya at pahayag na ito para kontrolin ang mga taong ito. Hanggang saan nila sila kinokontrol? Ang mga taong ito ay maluwag sa loob na nagsusumikap para sa kanila, labis na nagpapakapagod para sa kanila, at nag-aasikaso ng lahat ng personal na gawain nila. Mas gugustuhin pa nilang lumiban sa mga pagtitipon at pabayaan ang sarili nilang mga tungkulin, iniiwan nila ang mga sarili nilang gawain. Isinasakripisyo nila ang sarili nilang oras na ginugugol sa espirituwal na debosyon, pagtitipon, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos para buong-pusong magserbisyo at labis na magpakapagod para sa anticristo. Bakit nagagawa nilang labis na magpakapagod nang ganito? May dahilan ito. Anong dahilan? Ito ay dahil sadyang sinasabi sa kanila ng anticristo, “Kung ni hindi mo maasikaso nang maayos ang mga bagay na ito, anong tungkulin ang kaya mong gawin? Kung hindi mo kayang gawin ang tungkulin mo, miyembro ka pa rin ba ng sambahayan ng Diyos? Sige, hindi kita pamumunuan. Kung hindi kita pamumunuan, hindi ka mapapasama sa bilang ng sambahayan ng Diyos. Dahil ako ang napili bilang lider, ako ang daan papasok sa iglesia na ito. Ang sinumang nagnanais na pumasok sa iglesia ay dapat may pagsang-ayon ko. Kung wala ang pagsang-ayon ko, walang sinumang makakapasok. Kahit na may pinapaalis ang iglesia, dapat may pagsang-ayon ko ito bago sila puwedeng umalis. Samakatuwid, ang gawaing inaatas ko sa inyo at ang mga trabahong ibinibigay ko sa inyo ang bumubuo sa inyong tungkulin. Kung hindi ninyo magagampanan ang tungkuling ito, sinasabi ng salita ng Diyos na ang mga hindi gumaganap sa kanilang tungkulin ay walang tsansa ng kaligtasan. Hindi sila mapapasama sa bilang ng sambahayan ng Diyos!” Hindi ba’t pananakot ito? (Oo, pananakot ito.) Anong paraan ang ginagamit para takutin ang mga tao? (Mga tila tamang salita.) Pananakot ito ng mga tao gamit ang mga salitang tila naaayon sa katotohanan—paghahalo ito ng dalawang ganap na magkaibang bagay. Ginagamit ng anticristo ang pagganap sa mga tungkulin bilang palusot para maisakatuparan ang mga personal nilang mithiin. Pero pagganap ba talaga ng tungkulin ang paggawa ng mga bagay para sa kanila? Binabaluktot nila ito para palabasing isa itong tungkuling dapat gampanan ng mga tao, at pagkatapos ay ginagamit nila ang prinsipyo at mga pamantayan ng pagganap sa tungkulin para hingin sa mga kapatid na labis na magpakapagod para sa kanila. Nananakot pa nga sila na kung hindi labis na magpapakapagod ang mga ito para sa kanila, ang mga ito ay hindi magkakaroon ng tsansa para sa kaligtasan at paaalisin sila sa iglesia at ihihiwalay sa sambahayan ng Diyos. Kapag narinig ng mga hangal at walang pagkilatis na indibidwal na ito ang tindi ng mga kahihinatnan, agad nilang inaako ang lahat ng gawain sa sambahayan ng lider at ang mga pang-araw-araw na gawain nila, napapanatag sa sandaling matapos na sila. Iniisip pa nga nila, na nasisiyahan sa sarili nila, “Ngayon, natupad ko na nang maayos ang tungkulin ko. Hindi talaga ako naging tamad, at naging mapagmalasakit ako sa kalooban ng lider. Nagawa ko na ang lahat ng iniutos sa akin ng lider, at naasikaso ko na ang lahat ng gawaing bahay ng lider. Ito ang kahulugan ng pagiging mapagmalasakit sa Diyos! Nasisiyahan ang lider, at ganoon din ang Diyos. Ngayon ay may pag-asa na ako para sa kaligtasan!” Pag-asa ba ang tawag dito? Hindi ba’t naging mga alipin na sila ng anticristo? Hindi ba’t nailigaw na sila ng anticristo? Anong papel ang ginagampanan ng anticristo rito? Hindi ba’t kumikilos sila na parang isang kidnaper? Buktot ang disposisyon nila, at siyempre, mas malala ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang. Sa gayon talagang alam nila kung ano ang sasabihin at kung anong mga teorya ang gagamitin para higpitan ang mga tao, para isakatuparan ang lihim nilang motibo, para makuha ang loob ng mga tao, at para makontrol ang pag-uugali at mga iniisip nila. Alam na alam nila ang lahat ng ito. Samakatuwid, ang mga mithiing gustong isakatuparan ng anticristo sa pamamagitan ng lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay maingat na pinag-isipan at matagal na pinagplanuhan. Talagang hindi ito isang usapin ng biglaang pagsasabi o paggawa ng isang bagay at pagkatapos ay pagkakaroon ng hindi inaasahang resulta—talagang hindi ito ganito. Kaya, ang mga taong bukal sa loob na nagseserbisyo at lubos na nagpapakapagod para sa isang anticristo, maliban sa nalilihis na ng mga salita nila, ay natatakot at napipilit din ng isang uri ng pananalita ng anticristo. Siguro ay bukal sa loob nilang ginagawa ang mga bagay na iyon para sa anticristo, pero hindi ba’t may isyu sa “pagiging bukal sa loob” na ito? Hindi ba’t dapat itong lagyan ng mga panipi? (Oo.) Talagang hindi ito isang tunay na pagganap sa tungkulin kundi sa halip ay isang bungang idinulot ng pagkakalihis sa kanila ng isang partikular na teorya, isang partikular na tama at masarap na pakinggang argumento o pananalita na nanlilihis ng mga tao. Dahil nag-aalala silang hindi nila magagampanan ang kanilang tungkulin, na patatalsikin sila, at hindi sila maliligtas, bukal sa loob nilang tinatanggap ang gawaing itinatalaga sa kanila ng anticristo, iniisip pa ngang ginagampanan nila ang tungkulin nila para sa Diyos. Masyadong naging magulo ang isip nila!
Ang mga pananakot ng mga anticristo ay nagpapahintulot sa mga taong makita nang malinaw ang tunay na mukha ng mga ito. Gumagamit ba kayo ng ganoong mga pananakot? May pagkakaiba ba ang mga pananakot sa mga babala o payo? (Oo.) Kaya ba ninyo itong kilatisin o hindi? Nasaan ang pagkakaiba? Hanapin ninyo ang pagkakaibang ito, at mauunawaan ninyo at magagawa ninyong kumilatis. (Magkaiba ang mga layunin nito.) Ang mga layunin at motibo ay tiyak na magkaiba. Kaya, nasaan talaga ang pagkakaiba? Ano ang pananakot? Ang pananakot ay may mga kaakibat na salitang puwedeng maganda at tama at hindi masyadong sumasama ang loob ng mga tao kapag naririnig nila ang mga iyon, pero ang layunin ng mga iyon ay personal na pakinabang. Sa kabilang banda, ano ang layunin ng payo at mga babala? Ito ay ang tulungan ang mga tao, para pigilan silang magkamali, maligaw ng landas o lumiko, malihis, at tulungan silang mabawasan o maiwasan ang mga kalugihan. Hindi personal na pakinabang ang layunin nito kundi para lang tulungan ang iba. Hindi ba’t iyon ang pagkakaiba? (Oo.) Sa bagay na ito, kailangan ninyong matutong kumilatis. Dahil lang napagbahaginan na ang pagpapamalas ng mga anticristo ng pananakot sa mga tao, hindi ibig sabihin niyon na hindi na kayo maglalakas-loob na magbigay ng mga babala kapag kinakailangan habang nakikipag-usap sa iba. Kapag kailangan ng isang babala, dapat ninyo itong ibigay. Ang mga babala at payo ay hindi katulad ng mga pananakot. Ang mga babala ay tunay na naglalayong tumulong sa mga tao para magawa nila nang maayos ang mga tungkulin nila, tinitiyak na hindi nakokompromiso ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Lehitimo ang layunin ng mga ito. Ang pananakot, sa kabilang banda, ay may hindi lehitimo at lihim na motibo—may nakapaloob ditong personal na ambisyon at makasariling pagnanais. Halimbawa, kapag ipinapagawa ng anticristo sa iba ang mga gawaing bahay nila, ano ang makasarili nilang pagnanais? Gusto lang nilang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan, pinapagawa sa iba ang hindi kaaya-aya at nakakapagod na trabaho habang wala silang ginagawa. Pagkatapos, may dapat pang maghain sa kanila ng pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Naniniwala sila na ngayong may hawak na silang posisyon, puwede nang magsimula ang kasiyahan nila. Gayunpaman, hindi makatwirang direktang sabihin sa mga taong gumawa ng trabaho para sa kanila, kaya lumilikha ang anticristo ng mga dahilan, sinasabi na, “Ngayong isa na akong lider, abalang-abala na ako sa mga tungkulin ko. Kung may pasanin at pagkatao kayo, dapat kayong matutong makipagtulungan. Ano ang kaya ninyong gawin? Ang kaya lang ninyong gawin ay magsikap, hindi ba? Walang gagawa ng trabaho sa taniman ko ng gulay sa bahay, at hindi kayo tumutulong! Kung tutulong kayo, patutunayan nitong may mabuti kayong puso, at talagang ginagawa ninyo ang tungkulin ninyo sa pamamagitan ng pagtulong sa akin sa gawain. Lider ninyo ako—hindi ba’t ang mga gawain ko ay gawain din ninyo? Hindi ba’t ang mga gawain ninyo ay mga bagay na dapat ninyong gawin, at ang dapat ninyong gawin ay tungkulin ninyo, hindi ba?” Kapag nag-aatang sila ng ganoon kalaking responsabilidad sa mga balikat mo, at napag-iisipan mong may katwiran ang sinasabi ng lider, ginagawa mo ang trabaho para sa kanya. Hindi ba’t pagkakalinlang ito? Ang isang anticristo ay may mga sariling mithiin, at bago nila maisakatuparan ang mga mithiing iyon, kailangan nilang maghanap ng mga angkop na palusot at teorya para itaguyod ang isang pagkukunwari. Pagkatapos, ang mga taong tatanggap sa mga teoryang ito ay magtatrabaho para sa kanila, maisasakatuparan nila ang layunin nila, at pagkatapos ay matatamasa nila ang mga pakinabang ng katayuan. Hindi ba’t isa itong taong pinagkakakitaan ang iglesia? (Oo.) Iyon nga talaga iyon. Tamad sila at ayaw nilang magtrabaho, ninanais na magtamasa ng pisikal na ginhawa at ng mga pakinabang ng katayuan. Namumulitika sila, at kapag hindi sila makahanap ng mga angkop na salita, kumukuha siya ng mga makatwiran at mas madaling tanggaping kataga mula sa mga salita ng Diyos at sa doktrinang nauunawaan nila. Ginagamit nila ang mga salitang ito para ilihis at paghigpitan ang mga taong hindi nakakaarok sa katotohanan at mga hangal. Sa paggawa niyon, naisasakatuparan nila ang mga lihim nilang layunin, nagagawang bukal sa loob na tanggapin ng mga tao ang manipulasyon nila. Iniisip pa nga ng ilang tao na kung hindi nila pakikinggan ang mga salita ng lider o hindi nila magagampanan nang maayos ang mga gawaing iniatas sa kanila ng lider, hindi nila nagawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Pakiramdam nila ay may utang sila sa Diyos at lumuluha pa nga. Hindi ba’t isa itong malalim na antas ng kaguluhan ng isip? Sa sobrang gulo ng isip nila ay nakakasuklam na ito.
Ang mga anticristo ay madalas magsalita gamit ang mga pananakot para isakatuparan ang mga mithiin nila, pero ang mga pananakot nila minsan ay nasa anyo ng mga tamang salita at sa mahinahong paraan, parang isang ahas na unti-unting pumupulupot sa iyo—sa sandaling mapuluputan ka na, handa na silang hingin ang buhay mo. Sa ibang pagkakataon, hindi mahinahon ang mga pananakot nila, kundi mabagsik at malupit, na parang isang lobo na nakakakita ng isang tupa at nagpapakita ng tunay nitong mukha. Ang layunin nila ay sabihin sa mga tao: “Kung hindi ka makikinig sa akin, makukuha mo ang nararapat sa iyo, at kung magkakaroon ng mga kahihinatnan, ikaw mismo ang mananagot!” Ano ang mga tipikal na kagamitan sa pakikipagtawaran na ginagamit ng mga anticristo sa mga pananakot nila? Pinupuntirya nila ang mga destinasyon ng mga tao, ang tungkulin ng mga ito, at maging ang posisyon at pagpasok o pananatili ng mga ito sa iglesia. Ginagamit ng mga anticristo ang mga taktikang ito, at siyempre ang iba pa, para manakot ng mga indibidwal. Gayunpaman, sa pangkalahatan ay nauuri sa dalawang kategoryang ito ang mga estratehiya nila: Minsan, susuyuin ka nila gamit ang magagandang salita, at sa ibang pagkakataon, pakikitunguhan ka nila nang puwersahan at malupit. Ano ang layunin ng mga pananakot ng mga anticristo? Una sa lahat, gusto nilang pakinggan sila ng mga tao. Nilalayon nilang mag-ani ng mga personal na pakinabang, magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan, at magpakasasa sa iba’t ibang benepisyo at kasiyahang kaakibat nito. Pangalawa, ayaw nilang ibunyag ng sinuman ang tunay na kalagayan ng mga bagay o hamunin ang posisyon nila. Hindi nila palalampasin ang paggawa ng mga tao ng anumang bagay na nagbabanta sa posisyon nila. Halimbawa, kung may mga partikular na taong gustong mag-ulat sa sitwasyon nila o kung may ilang taong nakakakilatis sa kanila at gustong pagkaisahin ang mga kapatid para tanggihan at alisin sila sa katungkulan, gagamit ang mga anticristo ng mga taktika ng pananakot. Ang isang aspekto ng mithiin ng pananakot ay para matamasa ang maraming pakinabang na kaakibat ng posisyon nila, at ang isa naman ay para mapatatag ang posisyon nila. Ang mga ito mismo ang dalawang layunin ng mga anticristo sa pananakot ng mga tao—parehong umiikot ang mga ito sa posisyon. Saan nanggagaling ang lahat ng iba’t ibang pakinabang na ito? Nanggagaling din ang mga ito sa posisyon nila. Sinasabi ng ilang anticristo, “Kung hindi ka susunod sa bagay na ito, pananagutan mo ang mga kahihinatnan!” Kung may makakakilatis sa kanila at hindi makikinig sa kanila, mag-iisip ba sila ng paraan para pangasiwaan ito? Hindi nila basta tatanggapin na lang ang puwedeng mangyari. Hangga’t may kaunting pag-asa para sa kanila na mapanatili ang posisyon nila, ipaglalaban nila ito nang matindi. Ang kasabikan nila sa posisyon ay nakakahigit sa karamihan ng tao. Para itong lobo na nakakakita ng tupa—nagsisimula itong maglaway bago pa man ito magsimulang kumain. Nanlilisik ang mga mata nito at pinag-iisipan nitong kainin ang tupa; ganito ang uri ng pananabik na mayroon ito. Hindi ba’t ito ang kalikasan nito? (Oo.) Ang kasabikan ng mga anticristo sa posisyon ay katulad ng kasabikan ng lobo sa tupa, isang pangangailangang nakapaloob sa mapaminsala nilang kalikasan. Samakatuwid, ang mga pananakot nila sa iba ay hindi puwedeng alisin.
IV. Isang Pagsusuri Kung Paano Kinokontrol ng mga Anticristo ang mga Tao
Ang pagkontrol sa mga tao ay isa sa mga taktikang ginagamit ng mga anticristo. Paano nila kinokontrol ang mga tao? Ang mga anticristo ay may higit sa isang set ng mga paraan para sa pagkontrol sa mga tao; marami sila niyon. Naranasan na ba ninyo ito kahit minsan? Ang ilang indibidwal ay maaaring hindi kailanman naglingkod bilang mga lider, pero nagkikimkim sila ng pagnanais na kontrolin ang iba—ito ang mga katangian ng isang anticristo. Anuman ang kanilang edad, lokasyon, o mga pangyayari, gusto nilang magkaroon ng kontrol sa mga tao. Kahit sa mga usapin ng pagkain, pagtatrabaho, o sa iba’t ibang larangan ng kadalubhasaan o propesyonal na usapin, gusto nilang pakinggan sila ng mga tao, at hindi nila palalagpasin ang sinumang hindi nakikinig sa kanila. Ni hindi nila makontrol ang pagnanais nilang humawak ng kapangyarihan sa iglesia. Ang tingin nila rito ay pagtupad sa responsabilidad at obligasyon nila, iniisip na ginagawa lang nila ang bahagi nila, hindi napapagtanto na ito ang ambisyon at pagnanais nila, na ito ang tiwaling disposisyon nila. Kaya, paano kinokontrol ng isang anticristo ang mga tao? Halimbawa, kapag nahalal sila bilang lider, sa pinakaunang araw, nagsisimula silang mag-isip, “Hindi regular ang mga gawi sa pagkain at pang-araw-araw na rutina ng mga taong ito; maraming trabahong dapat gawin. May mga kaakibat na mahalagang responsabilidad ang pagiging isang lider—isa itong mabigat na pasanin!” Ginugugol ng anticristo ang buong maghapon nang nakakulong sa kuwarto niya, nagsusulat ng dalawa o tatlong pahina ng materyal. Ano ang nasa materyal na ito? Una, may kinalaman ito sa pagkain. Dapat kumain sa mga partikular na oras, sa mga partikular na lugar, nang may partikular na dami ng pagkain. Almusal nang 6:30 ng umaga, tanghalian nang 12:30 ng tanghali, at hapunan nang 6:30 ng gabi—dapat kumain sa tatlong oras na ito, hindi mas maaga o mas huli nang isang minuto. Anuman ang mga pangyayari ay dapat nasa oras ka, kahit na umulan o magsimulang bumagyo, at kung lalabagin mo ang mga panuntunang ito, hindi ka makakakuha ng pagkain. Pagkatapos nariyan ang usapin ng mga pang-araw-araw na rutina, na napakahalaga. Dapat kang bumangon nang 6:00 tuwing umaga, kahit gaano ka pa nagpuyat noong nakaraang gabi. Dapat kang magpahinga pagkatapos ng tanghalian nang 1:00 ng hapon, at matulog agad nang 10:00 tuwing gabi. Kapag natapos na nilang gumawa ng mga panuntunan sa pagkain at mga pang-araw-araw na rutina, marami pa ring ibang partikular na patakaran. Halimbawa, dapat kang kumain sa mga nakatalagang lugar at hindi gumawa ng anumang ingay habang kumakain. Ang bawat tao ay kinakailangang magsuot ng partikular na damit, at iba pa. Masyadong detalyado ang mga panuntunang ito, mas higit pa sa mga atas administratibo sa sambahayan ng Diyos. Ang pang-araw-araw na maliliit na detalyeng ito ay walang kinalaman sa katotohanan. Basta’t organisado at angkop ang pang-araw-araw na buhay at mga gawi sa pagkain ng isang tao, hindi nakakapinsala sa kalusugan niya, ang pagsunod sa prinsipyong ito ay sapat na dapat. Hindi na kinakailangan ng ganoong mga detalyadong patakaran. Kaya bakit lumilikha ang anticristo ng ganoon kadetalyadong mga panuntunan? Sinasabi niya, “Hindi mabuti na maiwang hindi pinamamahalaan ang mga tao. Hindi kailanman nabanggit sa mga salita ng Diyos ang mga usaping ito, at kung wala ang mga partikular na detalyeng ito, magiging hindi disiplinado, walang kaayusan, at walang anumang wangis ng tao ang buhay natin. Ngayong ako na ang lider, puwede kayong maremedyuhang lahat. Hindi na kayo mga tupang pagala-gala; may mag-aalaga na sa inyo.” Ang mga mahalaga at hindi mahalagang usapin ng pang-araw-araw na buhay, katulad ng damit, pagkain, tirahan, at transportasyon ay maingat na naayos lahat. Pagkatapos ay nagsasabi sila ng “lihim” sa iyo, sinasabi, “Hindi kailanman binanggit ng mga salita ng Diyos ang mga partikular na detalyeng ito ng pang-araw-araw na buhay. Dahil lang hindi tinalakay ng Diyos ang tungkol dito ay hindi nangangahulugang hindi natin ito dapat malaman. Dapat akuin nating mga tao ang gawain ng lahat ng detalyadong usapin na ito na hindi kailanman tinalakay ng Diyos.” Gumagawa sila ng set ng mga panuntunan at patakaran sa labas ng mga salita ng Diyos, tila detalyado at malinaw na tinukoy na may mga tuwirang termino, para palitan ang katotohanan at pamunuan ang iba. Sa sandaling ilabas ang mga partikular at malinaw na tinukoy na patakarang ito, inaasahang susunod ang mga tao sa mga tinatawag na panuntunan nila. Kung may sinumang hindi susunod, susuway, magwawalang-bahala, o lalabag sa mga panuntunang ito, pupungusan ito ng anticristo. Pagkatapos itong pungusan, sinisiguro niyang tatanggapin ng taong iyon ang mga panuntunang ito at tatanggapin ang mga ito mula sa Diyos. Kung gagamitin niya ang mga bagay na ito para palitan ang katotohanan at pamunuan ang mga tao, anong uri ng landas ang tatahakin ng mga taong ito? Susunod lang sila sa mga patakaran at rituwal, sinusunod lang ang kaugalian. Sa ilalim ng ganoong pamumuno, puwedeng maling maniwala ang mga tao gamit ang sarili nilang mga kuru-kuro, “Kung kaya kong panatilihin ang mga panlabas na patakaran at pormalidad, kung kaya kong sumunod sa iskedyul ng paggising, pagtulog, at pagkain, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay isinasagawa ko ang katotohanan? Hindi ba’t maliligtas ako kung ganoon?” Ganoon ba talaga kasimple ang kaligtasan? Napakadali bang matamo ng katotohanan? Tumutukoy lang ba ang katotohanan sa pag-uugali ng tao? Hindi. Paano itinuturing ng anticristo ang mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao, sa pagkaunawa ng mga ito sa katotohanan, at sa pagsasagawa sa katotohanan? Itinuturing niya ang mga ito na para bang katumbas ng pagsunod sa pampublikong kaayusan o pagsunod sa mga batas ng bansa. Pinapaniwala pa nga niya nang mali ang mga tao na ang mga panuntunan at patakarang ito ay mas mataas at mas kongkreto at praktikal kaysa sa mga salita ng Diyos. Sa realidad, ginagamit niya ang mga bagay na ito para ilihis at kontrolin ang mga tao, mahigpit na kinokontrol ang pag-uugali nila. Hindi niya nilulutas ang mga problema gamit ang katotohanan, ni hinihikayat ang mga taong mamuhay, kumilos, at gumawa ng kanilang mga tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, artipisyal siyang nagbabalangkas ng pangkat ng mga panuntunan, patakaran, at sistema para sundin ng mga tao. Ano ang layunin niya? Gusto niyang sumang-ayon sa kanya ang mga tao, isipin nilang mautak siya, at sundin ang pamumuno niya sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagsunod sa mga panuntunan at patakarang ito. Sa ganitong paraan, naisasakatuparan niya ang mga mithiin niya. Nilalayon niyang maisakatuparan ang mithiin niyang kontrolin ang lahat ng bagay tungkol sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagpigil at pagpapare-pareho sa pag-uugali ng mga tao. At siguro, tungkol sa mga motibo niya sa pagkilos, puwedeng wala siyang lantad na pagnanais sa katayuan, pero ang pinakakinahihinatnan ay na nakokontrol niya ang mga tao, at namumuhay at kumikilos ang mga tao nang ganap na ayon sa mga panuntunan at patakarang itinakda niya. Sa ganoong sitwasyon, may puwang pa rin ba ang katotohanan sa puso ng mga tao? Wala na. Walang espirituwal na pang-unawa ang mga anticristo, at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kung isasabuhay mo ang buhay-iglesia mo kasama sila, ipapagawa nila ang ganito sa iyo ngayon at ang ganyan bukas, pangunahing hindi makapagbahagi tungkol sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, bibigyan ka lang nila ng sangkatutak na patakarang susundin. Puwedeng pagod na pagod ka na sa pagsunod sa kanila, pero hindi puwedeng hindi ka susunod sa kanila. Hindi ka nila papayagang kumilos nang malaya. Isang paraan ito ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga tao.
Ano ang pangunahing kinokontrol ng isang anticristo sa mga tao? (Ang mga kaisipan nila.) Tama iyon; pangunahin niyang kinokontrol ang mga kaisipan ng mga tao. Hindi lang ito tungkol sa pagkontrol sa sinasabi at ginagawa ng mga tao. Sa ilalim ng pagkukunwaring pagbabahagi tungkol sa katotohanan, gumagamit siya ng mga walang kabuluhang teorya at tusong maling pangangatwiran para ilihis ka, sa layuning kontrolin ang mga kaisipan mo, idinudulot sa iyong sundin siya at sundan ang kanyang pamumuno. Ito ang ibig sabihin ng panlilihis at pagkontrol sa mga tao. Kung hindi mo susundin ang mga tagubilin niya, puwede mong maramdaman na parang sumasalungat ka sa katotohanan, at puwede mo pa ngang maramdamang may pagkakautang ka sa kanya o parang hindi mo kayang humarap sa kanya. Isa itong tanda na nasa ilalim ka na ng kontrol niya. Gayunpaman, kung hindi mo isasagawa ang katotohanan o hindi ka magpapasakop sa Diyos, mararamdaman mo ba sa puso mong may pagkakautang ka sa Diyos? Kung hindi, wala kang konsensiya at pagkatao. Kung kaya mong sundin ang anticristo sa halip na isagawa ang katotohanan, nang walang anumang pakiramdam ng pagkabalisa sa puso mo o pagkakonsensiya, ibig nitong sabihin ay nasa ilalim ka ng kontrol niya. Ang pinakakaraniwang palatandaan ng kontrol ng anticristo ay na sa saklaw ng awtoridad niya, siya lang ang may huling pasya. Kung wala siya, walang sinumang nangangahas na magdesisyon o lumutas ng isang usapin. Kung wala siya, ang iba ay nagiging parang mga batang naliligaw, mangmang kung paano magdasal, maghanap, o kumonsulta sa isa’t isa, umaasal na parang mga papet o mga patay na tao. Tungkol sa palaging sinasabi ng mga anticristo para manlihis at magkontrol ng mga tao, hindi natin iyon idedetalye rito. Tiyak na marami silang ginagamit na pahayag at taktika, at ang mga resultang kahihinatnan ng mga iyon ay makikitang nangyayari sa mga taong nalilihis. Hayaan ninyong magbigay Ako ng halimbawa. May ilang indibidwal na may karaniwang kakayahan, hindi masyadong masama, na tapat na gumaganap ng tungkulin nila at madalang maging negatibo. Gayunpaman, pagkatapos makipagtrabaho sa isang anticristo para gampanan ang tungkulin nila sa loob ng ilang panahon, umaasa na sila sa anticristo. Pinipili nilang sumunod sa pamumuno ng anticristo sa lahat ng bagay, at nagiging pangunahing suporta nila ang anticristo. Sa sandaling mahiwalay sila sa anticristong ito, nagiging hindi sila epektibo sa lahat ng ginagawa nila. Kapag wala ang anticristo, hindi na sila umuusad sa pagganap ng tungkulin nila, at kahit kapag nahaharap sila sa problema, hindi nila magawang magbahaginan para makakuha ng mga resulta. Magagawa lang nilang hintaying bumalik ang anticristo at lutasin ito para sa kanila. Sa realidad, dating may kakayahang mangasiwa ng ganoong mga bagay ang mga indibidwal na ito dahil sa kakayahan, talino, karanasan, at pinagmulan nila bago ang pagkontrol ng anticristo, pero pagkatapos makontrol ng anticristo, wala na ngayong nangangahas na magdesisyon o magbigay ng malilinaw na solusyon para pangasiwaan ang mga usapin nang wala roon ang anticristo. Tila nakulong na ang mga kaisipan nila, katulad ng mga katangian ng mga taong nasa kalagayang medyo mala-gulay. Anong mga bagay ang ginawa ng anticristong kumokontrol sa mga taong ito para idulot sa kanilang magpakita ng ganoong mga pag-uugali? Siguradong nagkaroon ng ilang tahasang kasabihan o pahayag para idulot sa kanilang magpasakop sa puso at isip. Malamang na nagkaroon din ng mga partikular na pahayag, pananaw, o kilos na sinang-ayunan ng mga taong ito. Gayunpaman, ganap na walang katotohanang realidad ang mga anticristo. Ang mga pahayag at pananaw nila, kahit na tama, ay naglalayong manlihis ng mga tao at hindi kumakatawan sa anumang katotohanang realidad sa mga taong ito. Hinahangaan ng ilang tao ang mga anticristo dahil talagang nagtataglay sila ng mga kaloob at talento. Gayunpaman, hindi ipinapahiwatig ng mga katangiang ito na tinataglay nila ang katotohanang realidad. Ang mga taong sumasamba sa mga anticristo ay sumasamba sa mga ito dahil hindi nila taglay ang katotohanan at hindi nila kayang kumilatis ng mga tao, na siyang dahilan kung bakit kaya nilang sambahin ang mga anticristo at maging ang ilang kilala at dakilang espirituwal na tao. Puwedeng mailihis ng mga anticristo ang ilang tao, pero pansamantala lang ito, at sa sandaling mapagtanto ng mga tao na kaya lang ng mga anticristong magsalita tungkol sa mga espirituwal na teorya at hindi ang magsagawa ng katotohanan, na walang anumang nagawa ang mga anticristo para ingatan ang gawain ng iglesia at tunay na mga mapagpaimbabaw na Pariseo ang mga ito, tatanggihan at kamumuhian nila ang mga ito. Napakaraming pagkakataon na ginagamit ng mga anticristo ang mga kaloob at husay nila sa pananalita para ilihis ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan. Halimbawa, kung magbibigay ka ng isang makatwirang suhestiyon, dapat sang-ayunan ng lahat ang tamang mungkahing ito at patuloy na magbahaginan tungkol dito, at ito ang tamang landas at nagpapakita ito ng pagkamatapat at pagiging responsable sa tungkulin nila, pero iniisip ng anticristo sa puso niya, “Bakit hindi ako ang unang nakaisip ng mungkahing iyon?” Sa kaibuturan nila ay inaamin nilang tama ang mungkahi, pero kaya ba nila itong tanggapin? Dahil sa kalikasan nila, lubos nilang hindi tatanggapin ang tama mong suhestiyon. Gagawin nila ang lahat ng posibleng gawin para tanggihan ang mungkahi mo, pagkatapos ay mag-iisip sila ng alternatibong plano para iparamdam sa iyo na lubos na hindi magagawa ang mungkahi mo, at mas maganda ang plano nila. Gusto nilang maramdaman mong wala kang magagawa nang wala sila at na sa pagtatrabaho lang kasama sila magiging epektibo ang lahat ng tao. Kapag wala sila, walang trabahong magagawa nang tama, at ang lahat ng tao ay nawawalan ng halaga at walang kahit anong magawa. Ang estratehiya ng anticristo ay ang palaging lumitaw na bago at kakaiba at magsabi ng mga grandiyosong pahayag. Kahit gaano pa katama ang mga pahayag ng ibang tao, tatanggihan niya ang mga iyon. Kahit na tumutugma ang mga suhestiyon ng ibang tao sa sarili niyang mga ideya, kung hindi siya ang unang nagmungkahi sa mga iyon, hindi niya kailanman kikilalanin o gagamitin ang mga iyon. Sa halip, gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para maliitin ang mga iyon, pagkatapos ay kokontrahin at kokondenahin ang mga iyon, tuloy-tuloy na pupunahin ang mga iyon hanggang sa maramdaman ng taong nagbibigay ng mga suhestiyon na mali ang mga ideya niya at aminin ang sarili niyang pagkakamali. Saka lang ito titigilan ng anticristo sa wakas. Nasisiyahan ang mga anticristo na itinataguyod ang kanilang sarili habang minamaliit ang iba, naglalayong idulot na sambahin sila ng iba at ilagay sila sa sentro. Ang sarili lang nila ang hinahayaan nilang mangibabaw, habang ang iba ay puwede lang manatili sa likuran. Ang anumang sabihin o gawin nila ay tama, at ang anumang sabihin o gawin ng iba ay mali. Madalas silang nagsusulong ng mga bagong pananaw para kontrahin ang mga pananaw at kilos ng iba, hinahanapan ng mali ang mga suhestiyon ng iba at ginagambala at tinatanggihan ang mga mungkahi ng iba. Sa ganitong paraan, dapat na makinig sa kanila ang ibang tao at kumilos ayon sa mga plano nila. Ginagamit nila ang mga paraan at estratehiyang ito para tuloy-tuloy kang tanggihan, atakihin, at iparamdam sa iyo na parang wala kang kakayahan, sa gayon ay ginagawa kang lalong mas mapagpasakop sa kanila, mas humahanga sa kanila at mas mataas ang tingin sa kanila. Sa ganoong paraan, lubusan ka nilang nakokontrol. Ito ang proseso kung paano sinusupil at kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao.
Gumagamit ang isang anticristo ng iba’t ibang paraan para ilihis at kontrolin ang mga tao; hindi isang kindat o kaunting salita ang nagdudulot sa mga taong sumunod sa kanya—hindi talaga iyon ganoon kasimple. Tungkol man ito sa pagkontrol sa mga tao o pagkontrol sa isang aspekto ng awtoridad, gaya ng mga desisyon sa mga tauhan, mga pinansiyal na usapin, o impluwensiya sa diskurso, gagamit siya ng iba’t ibang taktika, at talagang hindi lang niya iyon gagamitin nang paminsan-minsan, bagkus ay tuloy-tuloy na pagsisikapang magpasikat at magpatotoo sa sarili niya hanggang sa hangaan at ihalal siya ng mga tao, at pagkatapos ay kanya na ang awtoridad. Inabot siya ng ilang panahon para maisakatuparan ang mithiing ito. Ang isa pang paraang ginagamit ng isang anticristo para ilihis at kontrolin ang mga tao ay ang palaging pagpapasikat at pagpapaalam sa lahat ng higit tungkol sa kanya at tungkol sa mga ambag niya sa sambahayan ng Diyos. Halimbawa, puwede niyang sabihin, “Dati ay nakaisip ako ng ilang paraan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at napataas nito ang pagiging epektibo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ngayon, ginagamit na rin ng ilang ibang iglesia ang mga paraang ito.” Sa realidad, marami-rami nang naipong karanasan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ang iba’t ibang iglesia, pero patuloy na ipinagyayabang ng anticristo ang tungkol sa mga tamang desisyon at tagumpay niya, ipinapaalam sa mga tao ang tungkol sa mga iyon, binibigyang-diin ang mga iyon, at inuulit ang mga iyon saanman siya pumunta hanggang sa malaman ng lahat. Ano ang mithiin niya? Ang itaguyod ang sarili niyang imahe at katanyagan, ang makakuha ng mas maraming papuri, suporta, at paghanga mula sa mga tao, at ang idulot sa mga taong humingi ng tulong sa kanya sa lahat ng bagay. Hindi ba’t naisasakatuparan nito ang mithiin ng anticristo na ilihis at kontrolin ang mga tao? Karamihan ng mga anticristo ay kumikilos nang ganito, ginagampanan ang mga papel ng panlilihis, pambibitag, at pagkontrol sa mga tao. Sa anumang iglesia, grupo sa lipunan, o kapaligiran ng trabaho, sa tuwing lumilitaw ang isang anticristo, hindi namamalayan ng karamihan ng mga tao na nagsisimula na silang sumamba at tumingala sa kanya. Sa tuwing nahaharap sila sa mga paghihirap kung saan naguguluhan sila at nangangailangan ng taong magbibigay ng gabay, lalo na sa mga kritikal na sitwasyon na kailangang magdesisyon, iisipin nila ang anticristo na may kaloob. Naniniwala sila sa puso nila, “Kung nandito lang siya, maaayos ito. Siya lang ang makakapagbigay ng payo at mga suhestiyon para matulungan kaming makalagpas sa paghihirap na ito; siya ang may pinakamaraming ideya at solusyon, pinakamakabuluhan ang mga karanasan niya, at pinakamatalas ang isipan niya.” Hindi ba’t ang katunayang kayang sambahin ng mga taong ito ang anticristo nang ganoon katindi ay direktang nauugnay sa karaniwang paraan ng pagpapasikat, pagganap, at pagpapakitang-gilas niya? Kung nagpamalas siya ng katinuan sa mga salita at kilos niya, kung siya ay taong tahimik na gumawa at nagtrabaho nang husto, kung matipid siyang magsalita at masipag magtrabaho, hindi kailanman nagtatawag ng atensiyon o nagpapasikat, lalong hindi nagyayabang, hindi niya magagawang ilihis ang mga tao at idulot sa kanilang pahalagahan at hangaan siya. Kaya bakit madalang mahalal bilang mga lider at manggagawa ang ilang tao na medyo matapat at kayang magsagawa sa katotohanan at masipag magtrabaho? Ito ay dahil karamihan ng mga tao ay walang katotohanang realidad at hindi bihasa sa pagkilatis. May tendensiya ang mga tao na paboran ang mga nagtataglay ng mga kaloob, husay sa pagsasalita, at hilig sa pagpapasikat. Partikular silang naiinggit at sumasang-ayon sa ganoong mga tao, at gustong-gusto nilang makisalamuha sa mga ito. Dahil dito, ang mga anticristo ay likas na nagiging pinag-uukulan ng pagsamba at paghanga ng karamihan ng mga tao. Gayunpaman, ang mga anticristo ay may set ng mga paraan para sa pagkontrol sa mga tao, at hindi sila nagdadalawang-isip na maglaan ng oras at lakas na pangasiwaan ang katayuan nila at imahe nila sa puso ng mga tao, ang pinakamithiin ng lahat ng ito ay ang pagkakaroon ng kontrol sa mga tao. Ano ang ginagawa ng isang anticristo bago maisakatuparan ang mithiing ito? Ano ang saloobin niya sa katayuan? Hindi lang ito kaswal na pagkagiliw or inggit; isa itong pangmatagalang plano, isang sadyang layunin na makuha ito. Binibigyan niya ng partikular na halaga ang kapangyarihan at katayuan at ang tingin niya sa katayuan ay isang paunang kinakailangan sa pagsasakatuparan sa mithiing ilihis at kontrolin ang mga tao. Sa sandaling magkaroon siya ng katayuan, natural lang na matamasa niya ang lahat ng pakinabang na nito. Samakatwid, ang kakayahan ng isang anticristo na manlihis at magkontrol ng mga tao ay isang resulta ng masipag na pamamahala. Talagang hindi ito dahil nagkataong tinahak niya ang landas; ang lahat ng ginagawa niya ay sinadya, pinagplanuhan, at maingat na kinalkula. Para sa mga anticristo, ang makakuha ng kapangyarihan at maisakatuparan ang mithiin nilang magkontrol ng mga tao ay ang premyo—ito ang kalalabasang pinakaninanais nila. Ang paghahangad nila sa kapangyarihan at katayuan ay inudyukan, sinadya, intensyonal, at masipag na pinamahalaan; ibig sabihin, kapag nagsasalita o kumikilos sila, matindi ang pagpapahalaga nila sa layunin at intensyon, at sadyang tukoy ang mithiin nila. Halimbawa, ipinagyayabang nila ang pagiging isang partikular na antas ng lider o manggagawa, pagkakamit ng partikular na bilang ng tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, o paggawa ng iba’t ibang klasikong paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo; ipinangangalandakan nila ang mga karanasan at kwalipikasyon nila. Ano ang kaisipan nila habang nagyayabang sila? Ano ang batayang motibo nila? Hindi ba’t pinag-iisipan nila kung anong mga salita ang dapat nilang gamitin at kung paano nila dapat haluan ng kasinungalingan ang katotohanan? Hindi pabasta-basta ang mga salita nila; ang lahat ng sinasabi nila ay may layunin, at talagang hindi lang ito isang usapin ng pagpuri sa sarili. Puwedeng lumitaw ang mga salita nila na partikular na maingat at may pinatutungkulan, nagpapakita ng matinding pagpapahalaga sa kagandahang-asal. Halimbawa, kung makakatagpo sila ng mga indibidwal na nakakaunawa sa katotohanan, magiging alerto ang puso nila, hindi sila kaswal na magsasabi o gagawa ng mga bagay-bagay sa presensiya ng mga ito, natatakot na makikilatis sila. Magiging mas disiplinado sila. Gayunpaman, kung nakikitungo sila sa mga bagong mananampalataya o pangkaraniwang mananampalataya, maingat nilang pag-iisipan kung ano ang sasabihin sa mga indibidwal na ito. Kung nakikitungo sila sa mga lider at manggagawa, pag-iisipan nila kung ano ang sasabihin sa grupong ito. Kung nakikitungo sila sa mga taong nakakaunawa ng propesyonal na kaalaman, pag-iisipan nila kung ano ang sasabihin sa mga taong ito. Sila ay partikular na matalino sa mga panlabas na usapin, alam nila kung sino ang kakausapin gamit ang anong mga salita at paano ipaparating nang epektibo ang mensahe nila—sadyang malinaw sa kanila ang lahat ng ito. Sa madaling salita, palaging may mga partikular na layunin ang mga anticristo kapag kumikilos sila. Ang mga salita, kilos, at asal nila, pati na ang partikular na pananalitang pinipili nila kapag nagsasalita, ay intensyonal; hindi sila kumikilos dala lang ng panandaliang pagbubunyag ng katiwalian, mababang tayog, kahangalan o kamangmangan, na walang katuturan ang pinagsasasabi saanman sila magpunta—hindi talaga ito ganito. Sa pagsusuri sa mga paraan nila, sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay, at sa pagpili nila ng mga salita, lumilitaw na medyo misteryoso at buktot ang mga anticristo. Alang-alang sa sarili nilang katayuan at para maisakatuparan ang mithiin nilang kontrolin ang mga tao, sinasamantala nila ang bawat pagkakataon para magpasikat, para gamitin ang kahit katiting na bagay, at hindi nila palalagpasin ang kahit isang pagkakataon. Sabihin ninyo sa Akin, ibubunyag ba ng ganoong mga tao ang mga katangiang ito sa harapan Ko? (Oo.) Bakit sinasabi ninyong gagawin nila ito? (Dahil ang kalikasang diwa nila ay ang magpasikat.) Pagpapasikat ba ang pinakamithiin ng isang anticristo? Ano ang mithiin niya sa pagpapasikat? Gusto niyang makakuha ng katayuan, at ito ang ibig nilang sabihin: “Hindi Mo ba alam kung sino ako? Tingnan Mo ang mga bagay na nagawa ko, ako ang gumawa sa mabubuting bagay na ito; medyo marami akong iniambag sa sambahayan ng Diyos. Ngayong alam Mo na, hindi ba’t dapat Mo akong bigyan ng mas makabuluhang gawain? Hindi ba’t dapat ay maging mataas ang tingin Mo sa akin? Hindi ba’t dapat Kang sumandig sa akin sa lahat ng gagawin Mo?” Hindi ba’t sinasadya ito? Gusto ng mga anticristong kontrolin ang kahit sino, sinuman sila. Ano ang isa pang termino para sa kontrolin? Manipulahin, paglaruan—gusto ka lang nilang pamunuan. Halimbawa, kapag pinupuri ng mga kapatid na mahusay ang pagkakagawa sa isang bagay, agad na sinasabi ng anticristo na sila ang gumawa nito, tinitiyak na pasasalamatan sila ng lahat. Kikilos ba nang ganito ang isang tunay na makatwirang tao? Talagang hindi. Kapag gumagawa ang mga anticristo ng kaunting kabutihan ay gusto nilang malaman ito ng lahat, maging mataas ang tingin sa kanila at purihin sila—nasisiyahan sila rito. Anuman ang gawin nila, nais nilang makuha ang mga papuri at pagsamba ng mga tao, at handa silang tiisin ang kahit ano para makuha ito. Alang-alang sa katayuan at kapangyarihan, hindi hahayaan ng mga anticristo na mapalagpas nila ang anumang pagkakataong magpasikat, kahit na tila kalokohan ang pagpapasikat nila, o magaspang at kinaiinisan ng iba ang mga paraan nila—hindi pa rin nila palalagpasin ang ganoong mga pagkakataon. Gayundin, ginagamit nila ang anumang paraang kinakailangan para maisakatuparan ang mithiin nilang kontrolin ang mga tao, at ginagawa nila ang lahat para maisakatuparan ito. Masusi silang nagsisikap at pinipiga nila ang utak nila para mabuo ang mga pakana nila. Kapag may ginagawa silang mabuti, patuloy nila itong ipinangangalandakan at itinatampok sa lahat ng dako. Kung may ibang nakagawa ng mabuti, kinaiinggitan nila ito at sinusubukan ang lahat ng makakaya nila para masabi na dahil ito sa kanila o sinasabi nilang nagkaroon sila ng bahagi rito para angkinin ang papuri para sa kanilang sarili. Sa madaling salita, may mga taktika ang mga anticristo sa pagkontrol sa mga tao. Hindi lang ito isang panandaliang panlilinlang, ni ilang paminsan-minsang kilos. Sa halip, marami silang ginagawa at sinasabi. Nakakalihis ang mga salita nila, nakakalihis ang mga kilos nila, at ang pinakamithiin nila sa paggawa at pagsasabi sa mga bagay na ito ay ang kontrolin ang mga tao.
Ano ang layunin ng anticristo sa pagkontrol sa mga tao? Ito ay ang magkamit ng katayuan at awtoridad sa puso ng mga tao. Sa sandaling magkaroon siya ng awtoridad at katayuan, matatamasa na niya ang mga pakinabang ng katayuan at ang iba’t ibang interes na idinudulot nito. Halimbawa, sa mga panahong mainit, habang ang iba ay nananatili sa mga kuwartong hindi air-conditioned, nananatili siya sa kuwartong air-conditioned. Sa oras ng pagkain, habang ang iba ay may tig-iisang bahagi ng mga gulay at kanin, nakakapagdagdag siya ng kaunting karne at sopas. Kapag pumapasok sa kuwartong walang mauupuan, kailangan ng ibang maupo sa sahig, nag-iiwan lang ng isang upuan na nakalaan para sa kanya. Ang espesyal na pagtratong ito ay ang resulta ng katayuan niya, at nasisiyahan siya sa pagpapakasasa sa mga pakinabang na kasama nito. Siyempre, hindi talaga sapat ang mga interes at kasiyahang ito para matupad ang mga ambisyon niya. Bukod sa kailangan niya ang mga materyal na pakinabang na ito na ibinibigay sa kanya ng katayuan niya, kailangan din niya ang banidad, kasiyahan, at pakiramdam ng kapanatagang idinudulot nito sa panloob niyang mundo. Ano ang mga pag-uugali ng mga taong nalihis, naakit, at nakontrol ng mga anticristo? Pinaghahambing nila ang katayuan, kapangyarihan, mga kaloob, at mga kakayahan, pati na ang pamilya at uring pinagmulan ng isa’t isa, at pinagkokompetensiyahan nila kung sino ang makakaisip ng mas maraming buktot na ideya at kung kaninong utak ang mas matalas. Pinagkokompetensiyahan din ng mga anticristo ng relihiyon kung sino ang pinakamatagal magdasal. Kung magdarasal ang isang tao nang sampung minuto, magdarasal ang isa pa nang dalawampu, at sa isang pagtitipon ay puwedeng wala na silang ibang gawin kundi walang humpay na magdasal, katulad ng mga taong bumibigkas ng mga kasulatan sa isang templong Budista, walang tigil na bumubulong. Pinapakinggan ba ng Diyos ang ganoong panalangin? Batay sa paraan ng pagdarasal nila, hindi gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Tinitingnan nila kung sino ang kayang magdasal nang pinakamatagal, kung sino ang kayang magdasal sa pinakamalakas na boses na kayang madaig ang iba. Hindi ba’t malaking kalokohan ito? Ang mga kilos nila ay hindi kapani-paniwala at wala sa katwiran. Ito ang mga pagpapamalas na pangunahing nakikita sa mga taong nalihis at nakontrol ng mga anticristo; kapag pinamumunuan ng mga anticristo ang mga tao, ito ang resultang ibinubunga nito. Samakatwid, kung nalihis at nakontrol ka ng isang anticristo, titingalain mo siya, susundin siya, at pakikinggan siya sa lahat ng bagay. Wala kang ibang pakikinggan, kahit ang Diyos pa ang nagsasalita. Ito ang mga pag-uugaling ipapakita mo. Kapag kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao, para bang si Satanas ang naghahari sa kanila. Kung nasa ilalim ka ng kontrol ni Satanas, at kung may puwang sa puso mo para sa tao at puwang para kay Satanas, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu—tatalikuran ka Niya. Hindi ba’t gusto mong sumunod sa mga anticristo? Hindi ba’t gusto mong tumingala sa kanila? Hindi ba’t gusto mong tanggapin ang kontrol at manipulasyon nila? Kung ganoon ay ibibigay ka sa kanila. Kung naniniwala ka na ang anumang sasabihin ng mga anticristo ay ang katotohanan, puwede kang makinig sa kanila at sumunod sa kanila, at pagkatapos ay ibibigay ka sa kanila. Gayunpaman, dapat mong panagutan ang mga kahihinatnan. Kung isang araw ay hindi ka magtamo ng kaligtasan, huwag mong sisihin ang Diyos o huwag kang magreklamo tungkol sa Kanya; wala itong kinalaman sa Diyos. Sarili mo itong desisyon, at dapat mong pagbayaran ang desisyon mo.
Halos natapos na natin ang ating pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng mga anticristo ng pagkontrol sa mga tao. Dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng makontrol. Sa panlabas, puwedeng lumitaw na ang ilang tao ay sumusunod sa Diyos, nakikinig sa mga sermon Niya, kumakain at umiinom ng mga salita Niya, nagsasabuhay ng buhay-iglesia, at gumagawa ng mga tungkulin nila, at na hindi nila iniwan ang sambahayan ng Diyos. Kaya bakit nakokontrol sila ng mga anticristo? Ito ay pangunahing dahil wala sa kanila ang katotohanan. Una, nalihis ang mga taong ito ng mga anticristo, at pagkatapos ay partikular nilang hinangaan ang mga ito, na humantong sa pagkakakontrol ng mga ito sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng makontrol? Ibig sabihin nito ay naiimpluwensiyahan at naigagapos ng mga ito. Kahit na ginagawa mo ang mga tungkulin mo, habang hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa pagganap ng tungkulin mo ay nalihis ka ng mga anticristo. Habang mas umaayon ang mga pahayag at pananaw nila sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, lalo mong itinuturing na tama at naaayon ang mga iyon sa katotohanan, at hindi mo na hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, ayaw mo nang independiyenteng mag-isip, at hindi mo na ibinabatay ang pagsasagawa mo sa mga salita ng Diyos. Naniniwala kang hindi talaga mali ang mga pananaw ng mga anticristo, at buong puso mong kinukumpirma ang mga iyon. Sa sandaling ganito na ang kaso, kung tunay kang nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, mababalisa at mababagabag ka. Pakiramdam mo ay nabigo mo ang mga anticristo at na talagang hindi ka puwedeng kumilos sa ganitong paraan. Hindi ba’t ganap kang naigagapos ng mga pahayag at pananaw ng mga anticristo? Kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, hindi mo alam kung paano humusga, maghanap, o sumunod batay sa mga salita ng Diyos. Hindi mo alam kung paano gawin iyon, hindi ka rin nangangahas na gawin iyon. Bakit hindi mo alam kung paano at bakit hindi ka nangangahas? Hindi pa nagsasalita ang mga anticristo; hindi pa sila nagbibigay ng desisyon sa iyo o nakakapagpasya, at hindi pa nila sinasabi sa iyo ang kalalabasan o hindi ka pa nila itinuturo sa anumang direksyon. Kaya hindi ka nangangahas na kumilos ayon sa pagkaarok mo, at natatakot kang mapunta sa maling landas, na gumawa ng pagkakamali. Hindi ba’t nakokontrol ka? Bakit ba takot na takot ka palagi? Talaga bang hindi malinaw ang mga salita ng Diyos? Hindi ba nasabi sa iyo ng mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo o nasabi sa iyo ang gagawin? Bakit binabalewala mo ang mga salita ng Diyos at pinagpipilitan mong makinig sa mga anticristo? Nalilihis at nakokontrol ka ng mga anticristo. Halimbawa, sinabihan Ko ang isang tao na magtayo ng isang pader, partikular na sinasabi ang taas, haba, at lokasyon nito. Pagkatapos, dumating ang isang anticristo at sinabi: “Ayos na ang taas ng pader na ito, pero may problema rito. Kung itatayo mo ito nang ganito, guguho ba ito kapag umihip ang hangin?” Pagkarinig dito, sinabi ng taong iyon, “Magandang punto iyan, guguho kaya ito? Hindi naman sinabi ng Diyos, kaya hindi ko muna ito itatayo.” Nang kumustahin Ko siya kalaunan, tinanong Ko: “Bakit hindi mo pa itinatayo ang pader? Ilang araw na ang lumipas, pero hindi pa rin ito naitatayo—hindi ba’t inaantala mo ang mga bagay-bagay?” Sumagot siya na may nagpahayag ng pag-aalala tungkol sa pagguho ng pader sa pag-ihip ng hangin. Sinabihan Ko siyang gumamit ng posteng pansuporta kung nag-aalala siya sa hangin, at tinandaan niya ito. Gayunpaman, bumalik ang anticristo para guluhin siya, sinasabi, “Sapat na ba ang isang poste? Hindi ba’t dapat ay dalawa ang gamitin mo?” Pinag-isipan ito ng tao, iniisip na sinabi lang ng Diyos na gumamit ng isang poste sa halip na dalawa, at hindi na naman niya alam ang gagawin. Pagkatapos labis na malihis at magulo ng anticristo, lahat ng salitang nauna Kong sinabi ay nawalan ng kabuluhan, at hindi na niya naipagpatuloy ang gawaing ito. Hindi ba’t katumbas ito ng pagkakakontrol ng anticristo? Kanino siya dapat makinig sa usaping ito? (Sa Diyos.) Kung ganoon ay bakit hindi siya nakinig sa mga salita ng Diyos? Ayaw ba niyang makinig? Gusto niya, pero nalihis siya ng isa sa mga maling paniniwala at panlilinlang ng anticristo. Sa sandaling nalihis na siya, sinunod na niya ang anticristo, na katumbas ng pagkakakontrol nito sa kanya. Kung naigapos at nalimitahan ng anticristo ang mga pag-uugali at kaisipan niya, nasa ilalim siya ng kontrol ng anticristo. Sa huli, hindi natupad ng taong ito ang tungkulin niya, at hindi siya nagpasakop sa Diyos o nakinig sa mga salita Niya. Sino ang nagdulot ng kinalabasang ito? Idinulot ito ng kamangmangan niya at hindi ito maihihiwalay sa panlilihis, panggugulo, at pagkontrol ng anticristo. Kaya, anong ibig sabihin ng pakikialam nang ganito ng anticristo? Gusto niyang ipakita ang katalinuhan niya, at ang talagang sinasabi niya ay, “Bakit pikit-mata kang nakinig sa Diyos nang sabihin Niya sa iyong itayo rito ang pader na ito? Bakit napakasimple ng paraan ng pag-iisip mo? Kung itatayo mo rito ang pader, hindi ba’t guguho ito sa sandaling magsimulang umihip ang hangin? Ang pakikinig sa Diyos ay hindi kasing tumpak ng pakikinig sa akin; kailangan mong makinig sa akin. Kung makikinig ka sa akin, masisiyahan ako, pero kung makikinig ka sa Diyos, hindi ko iyon magugustuhan at hindi ako matutuwa. Hindi puwedeng makinig ka sa Diyos—ano na ang mangyayari sa akin noon?” Hindi nila ito sinabi nang direkta; nakialam sila at sinadyang ginulo ang mga bagay-bagay. Pagkatapos ng pakikialam nila, hindi na matapos ang gawain, at nagmukha silang matalino, na ikinasiya nila. Kapag tinatagubilinan ng Diyos ang isang taong magtayo ng pader, dapat ay agad itong itayo ng taong iyon, pero ngayon, ang resulta ay hindi naitayo ang pader. Sino ang nagdulot sa resultang ito? Idinulot ito ng anticristo—nalihis, nagulo, at nakontrol ng anticristo ang taong ito. Katulad ito kung paano inakit ng ahas sina Adan at Eba. Sinabi ng Diyos kina Adan at Eba, “Sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Ang mga salitang ito ba ng Diyos ang katotohanan? Ang mga ito ang katotohanan, at hindi mo kailangang maunawaan ang kabuluhan ng mga ito; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Anuman ang sitwasyon, hindi magbabago ang salita ng Diyos, at kung may gustong ipagawa sa iyo ang Diyos, gawin mo ito. Huwag mo itong suriin. Kahit hindi mo ito nauunawaan, dapat mong malaman na ang salita ng Diyos ay tama; dapat mong maunawaan ang kahulugang ito sa puso mo. Sa madaling salita, dapat mong malaman ang katotohanang ito una sa lahat. Umaayon man ang mga salita ng Diyos sa mga sarili mong kuru-kuro o hindi, nauunawaan mo man ang mga ito o hindi, at kahit gaano ka pa maguluhan, dapat mong panghawakan ang mga salita Niya. Ito ang responsabilidad at tungkulin mo. Sa sandaling maging determinado ka na rito, ano ang dapat mong gawin kapag muling dumating si Satanas para tuksuhin ka? Dapat mong panghawakan ang mga salita ng Diyos at sundan ang Kanyang daan—ito ang pinakapangunahing prinsipyo, kahit ano pa ang sabihin ni Satanas. Ano ang panghuling resulta ng pakikinig nina Adan at Eba sa mga salita ng ahas? Nalihis at nakontrol sila ni Satanas. Sa isang kataga lang ng mga mapanlihis, malabo, at mala-diyablong salita, naimpluwensiyahan at nakontrol ni Satanas ang pag-uugali nina Adan at Eba. Isa itong resulta na ayaw makita ng Diyos. Ano ang layunin ng ahas sa pagsasabi ng mga salitang ito? Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ninais nitong guluhin ang kaisipan ng mga tao, impluwensiyahan ang pag-uugali nila, at hikayatin silang tumigil sa pakikinig at tumalikod sa mga salita ng Diyos. Sa sandaling naitanim ang aktibong kaisipang ito sa isip ng mga tao, sinundan na nila ang tinutukoy na landas. Ano ang layunin ni Satanas? Ito ay ang sabihing, “Huwag mong pakinggan ang sinasabi ng Diyos. Kailangan mong makinig sa akin; kailangan mong kainin ang prutas na ito.” Sinabi sa kanila ng Diyos na huwag itong kainin, habang sinabi naman sa kanila ni Satanas na kainin ito. Sa huli, kinain ba nina Adan at Eba ang prutas? (Kinain nila.) Ganito sinimulan ni Satanas ang pagkontrol sa mga tao. Kapag nakinig ka sa mga mala-diyablong salita ng isang anticristo, puwede kang malito at maligaw, at malamang na hindi ka sumunod sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ibig nitong sabihin ay naimpluwensiyahan at nakontrol ng anticristong ito ang pag-uugali at mga kaisipan mo? Ito ang kahulugan ng kontrol. Nakatagpo na ba kayo ng ganoong mga sitwasyon? Nakikita ng ilang taong may masamang layunin na natatapos mo ang isang gawain nang walang aberya at magkakamit ka ng mga resulta, mapapansin ka, at napapagtanto nilang hindi sila masyadong magkakaroon ng partisipasyon sa usaping ito. Kung mapapansin ka, sila ay hindi, kaya nagsusulong sila ng mga tila makatwirang pananaw o tanong para ilihis, guluhin, at kontrolin ka. Bilang resulta, naguguluhan ka, iniisip mong makatwiran din ang mga salita nila. Hindi mo na alam kung ano ang gagawin at hindi mo na maipagpatuloy ang tungkulin mo, kaya itinitigil mo ito. Hindi ba’t kalokohan ito? Sa simula, noong hindi ka pa nalilihis, medyo malinaw ang isip mo at alam mo ang gagawin, pero sa sandaling guluhin ka ng anticristo, nalito ka na at hindi mo na alam kung paano angkop na pangasiwaan ang mga bagay-bagay. Ano ang isyu rito? (Ang pagkakalihis.) Ang mga taong madaling malihis at makontrol ng mga anticristo o ni Satanas ay mga mangmang at naguguluhang tao. Tungkol sa mga pagpapamalas ng paraan ng panlilihis at pagkontrol ng mga anticristo sa mga tao, naging sapat na partikular ba ang pagbabahaginan natin? Dapat ay magawa mong makaunawa, at kapag may mga nangyayari sa iyo, dapat mong ihambing ang mga iyon sa iba’t ibang katotohanan para masalamin ang mga iyon sa mga salita mo, sa mga kilos mo, at sa diwa mo. Kasabay niyon, dapat mong subukang maunawaan at makilatis ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa paligid mo para magkaroon ka ng mas malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at ng mas tumpak na pagkaunawa sa mga kalikasang diwa ng iba’t ibang tao.
Sa panahon ngayon, marami sa inyo ang kamakailan lang nakatagpo ang mga partikular na kalagayan at pagpapamalas ng iba’t ibang katotohanan. Bakit Ko sinasabing kamakailan lang ninyo nakatagpo ang mga iyon? Ito ay dahil kamakailan lang ninyo naunawaan ang ilang detalye, pero malayo pa rin ang lalakbayin bago ang tunay na pagpasok. Ang pang-unawa ay hindi katumbas ng pagpasok. Kapag nakakaunawa ka, ibig lang nitong sabihin na sa isip mo, medyo tumpak at mas tugma sa katotohanan ang pagkaunawa mo sa mga konsepto at kahulugan ng mga usaping ito, pero malayo ka pa rin sa personal na pagpasok. Ang pang-unawa, pagkilala, at kakayahang iugnay ang mga bagay na ito sa kalagayan mo at sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo ay hindi nangangahulugang may pagpasok ka. Dalawang magkahiwalay na bagay ang mga ito. Para maligtas ang isang tao at magkamit ng pagbabago sa disposisyon, nagsisimula ito sa pang-unawa sa lahat ng iba’t ibang katotohanan, at ang pagpasok sa katotohanang realidad ay nagsisimula sa pagsasagawa sa mga katotohanang ito. Kung nagkaroon kayo ng partikular na batayan sa pagkaunawa at pagpasok ninyo sa iba’t ibang katotohanan, nang hiningan Ko kayo ng mga halimbawa, maiisip agad ninyo ang mga sarili ninyong pagpapamalas o ang ilang bagay na nakita at naranasan ninyo. Lubos nitong mapapadali ang pagbabahagi Ko, at hindi Ko na kakailanganing magsalita nang masyadong detalyado dahil nagkaroon na kayo ng mga karanasan at kaya na ninyong abutin ang antas na iyon. Gayunpaman, kapag tinanong Ko kayo ngayon, kailangan ninyong mag-isip sa mismong sandaling ito, at kailangan din ninyong maghalughog at maghanap sa memorya ninyo. Kapag nakita Kong hindi ninyo alam ang mga bagay na ito at hindi ninyo mismo naranasan ang mga ito, kailangan Kong ipaliwanag nang detalyado ang mga ito, linawin ang mga pangunahin at pundamental na aspekto at mahalagang isyu ng mga usaping ito, at bigyan kayo ng panimulang pagkaunawa sa mga detalye ng iba’t ibang katotohanan para hindi kayo malito sa mga konseptuwal na aspekto o depinisyonal na aspekto kapag nagsagawa kayo, at para hindi ninyo mapaghalo ang mga ganap na magkaibang bagay o isipin na masyadong masalimuot ang mga bagay na ito—malinaw ninyong matutukoy ang pagkakaiba ng iba’t ibang aspekto. Sa ganitong paraan, sa susunod na magbahagi Ako tungkol sa mga bagay na ito, magiging madali na ito. Sa kasalukuyan, kinukulang pa rin kayo, kaya kailangan Ko palaging ipaliwanag ang mga ito nang detalyado. Gaano kalaking bahagi ng nilalaman ng mga pagbabahaginan sa mga pagtitipon natin ang kaya ninyong pag-isipan at intindihin? Kung sampung porsiyento lang, halos wala kayong tayog na maipagmamalaki, at kung tatlumpung porsiyento, ilan lang ang naunawaan ninyo. Kung aabot kayo sa limampung porsiyento, may partikular na tayog at pagpasok kayo, pero kung hindi ninyo kayang abutin iyon, wala kayong anumang pagpasok. Nauunawaan ninyo, hindi ba? Kung hindi pa rin ninyo nauunawaan kapag nagbabahagi Ako nang ganito, ibig nitong sabihin ay masyadong mahina ang kakayahan ninyo at imposible ninyong maunawaan ang katotohanan. Sige, diyan nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa araw na ito. Hanggang sa muli!
Abril 17, 2019