Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili

Karagdagang Babasahin: Panghuhuli ng mga Daga

Kamakailan, narinig Ko ang tungkol sa isang bagong usapin. Makinig at pag-isipan kung paano ito nauugnay sa mga pag-uugali at disposisyon ng mga tao, kung tungkol saan ang kwentong ito, at kung anong uri ng problema ang inilalarawan nito. Pagkatapos dumating sa Amerika ng ilang Tsino, maliban sa nakita nila na ang lipunan at kapaligiran dito ay malaki ang pagkakaiba sa Tsina, mayroon ding isang bagay silang nakita na napakainteresante. Ito ay na sa bansang ito, hindi lang malaya ang mga tao, kundi lahat ng uri ng buhay na bagay at hayop ay napakamalaya rin, at walang sinumang nananakit sa mga ito. Ang kalayaang pantao ay syempre isang produkto ng mga panlipunang sistema, kaya anong nagdadala ng kalayaan sa lahat ng uri ng buhay na bagay at hayop? Nauugnay ba ito sa mga panlipunang sistema? (Oo.) Nauugnay ito sa kung papaanong ang mga panlipunang sistema at mga polisiya ng gobyerno ay pinoprotektahan at pinamamahalaan ang buong likas na kapaligiran. Dito, ang mga ligaw na hayop ay nasa kung saan-saan at makikita kahit saan. Halimbawa, ang isang tao ay makakakita ng mga ligaw na gansa na kumakain ng damo sa parang sa tabi ng kalsada, at mayroong ilang parke, parang, at gubat kung saan makakakita ang isang tao ng ilang usa, oso, o lobo, pati na rin mga pabo, benggala, at lahat ng uri ng ibon at iba pang ligaw na hayop. Anong unang impresyon mayroon ang mga tao kapag nakikita nila ang isang tanawing tulad nito? (Pakiramdam nila ay nakita na nila ang kalikasan.) At anong uri ng mga damdamin ang mayroon sila kapag nakikita nila ang kalikasan? Hindi ba nila sasabihing: “Tingnan ang kanilang bansang ito. Hindi lang malaya ang mga tao, kahit ang mga hayop dito ay malaya. Ang muling mabuhay bilang isang hayop sa lugar na ito ay mas mabuti kaysa sa mamuhay bilang isang tao sa Tsina, dahil kahit mga hayop ay malaya rito, at walang sinumang umaabuso sa mga ito”? Wala ba silang gayong mga damdamin? (Mayroon sila.) Para sa mga nanatili rito nang mahabang panahon, nagiging pangkaraniwan ang mga bagay na ito, at hindi kakatwa; iniisip nilang napakanormal ng mga bagay na ito. Ngunit para sa ilang tao, pagkatapos nilang maging pamilyar sa ganitong uri ng kapaligiran, ilang aktibong kaisipan ang nagsisimulang lumitaw sa kanila: “Napakamalaya ng mga hayop na ito, at walang sinumang nangangasiwa o nagbabantay sa mga ito, maaari ko bang hulihin at kainin ang mga ito? Magaling kung makakain ko ang mga ito, ngunit hindi ko ito basta-bastang magagawa sakaling protektado ang mga ito ng batas. Kailangang tingnan ko ito.” Pagkatapos suriin ang impormasyon, nakikita nilang malinaw na sinasabi ng batas na pantay na pinoprotektahan ng pambansang batas ang mga ligaw na hayop, at na hindi maaaring hulihin at patayin ang mga ito ng mga tao nang ayon sa kagustuhan nila. Kung nais ng mga taong mangaso ng mga hayop, dapat nila itong gawin sa loob ng isang ipinag-uutos ng estado na lugar ng pangangaso; kailangan din nila ng lisensya, at maaaring kakailanganing magbayad para sa mga hayop na mahuhuli nila. Sa madaling salita, pinoprotektahan ng batas ang mga ligaw na hayop na ito at may malinaw itong mga probisyon tungkol sa mga ito. Hindi kayang maunawaan ng ilang tao ang batas ng proteksyon ng ligaw na hayop, at iniisip nila: “Nariyan itong lahat ng mga ligaw na pambihirang pagkain, subalit hindi tayo pinahihintulutan ng gobyerno na hulihin at kainin ang mga ito ayon sa gusto natin. Nakapanghihinayang! Sa Tsina, walang sinumang may pakialam dito: ‘Kung walang magsusumbong nito, hindi ito iimbestigahan ng mga awtoridad.’ Hangga’t walang sinumang nakaaalam nito, puwede kang humuli at kumain ng isang hayop. Ngunit hindi mo ito maaaring gawin sa isang demokratikong bansa. Dito ay mayroong mga legal na regulasyon, at hindi ko maaaring basta gawin anuman ang nais ko sa lupa ng ibang mga tao. Ngunit ang mga hayop na ito ay ligaw lahat; nakapanghihinayang na maaari lang nating tingnan at hindi kainin ang mga ito. Kailangan kong mag-isip ng solusyon. Papaano ko makakain ang ligaw na hayop na ito nang walang sinumang nakakapansin at nang hindi nilalabag ang batas?” Ang ilang tao ay nag-iisip ng daya, at sasabihing: “Kung gagawa ako ng hawla at maglalagay ng ilang malasang pagkain sa loob nito para akitin ang mga hayop, hulihin ang ilang maliliit na hayop tulad ng mga ligaw na kuneho, at pagkatapos ay hahanap ng liblib na lugar para patayin at kainin ang mga ito, hindi ako lumalabag sa batas, hindi ba? Ang maliliit na hayop na iyon ay hindi protektado ng estado, at walang tiyak na probisyon ang batas sa mga ito. Kung gagawin ko ito, makakakain ako ng ligaw na hayop at masisiguro ring hindi ako lumalabag sa batas. Ito ay ang tamang-tamang kombinasyon.” Pagkatapos nilang magkaroon ng ganitong ideya, bumuo sila ng hawla at nagsisimulang mangaso. Bago lumipas ang dalawang araw, pumasok ang isang daga sa hawla, at dali-dali nilang pinatay at kinain ito, nararamdamang ito ay tunay na ligaw na hayop! Anong konklusyon mayroon sila pagkatapos itong kainin? “Napakalalasa ng ligaw na hayop. Mula ngayon ay mag-iisip ako ng mas maraming paraan para makakain ng iba pang uri ng ligaw na hayop. Hindi ako natatakot kainin ang mga ito hangga’t hindi ko nilalabag ang batas.” Dito nagtatapos ang kwento.

May ilang tao na nagtatanong, “Totoong kwento ba ito o gawa-gawa lang?” Sa ngayon, huwag mag-alala kung ito man ay totoo o gawa-gawa lang, o kung talagang nangyari ba ito o hindi. Basta isipin mo lang kung ano ang mali sa mga tao na gumagawa ng mga bagay na tulad nito, batay sa kwentong ito. Ang paggawa ba ng ganitong uri ng bagay ay isang matinding pagkakamali? Ito ba ay itinuturing na isang paglabag sa batas? Ito ba ay itinuturing na imoral? (Oo.) Ito ba ay sumasalungat sa moralidad, o sumasalungat sa pagkatao, o sumasalungat sa iba pa? Una, sabihin mo sa Akin: Ang ganito bang uri ng pag-uugali ay karapat-dapat sa papuri o sa pagtuligsa? Aling panig ang pipiliin ninyo? (Pagtuligsa.) Sumasalungat man ito sa moralidad, sumasalungat sa batas, o sumasalungat sa pagkatao, sa anumang sitwasyon, masama ang ganitong uri ng pag-uugali, at hindi ito pag-uugali ng mga tao na nagtataglay ng pagkatao. Kaya ano ba ito? Seryosong problema ba ang ganitong uri ng disposisyon o pag-uugali? Paano ninyo huhusgahan ang bagay na ito ayon sa mga sarili ninyong pamantayan? Sa pang-araw-araw na buhay at kasama ng lahat ng grupo ng tao, pangkaraniwan ba ang ganitong uri ng pag-uugali? (Oo.) Hindi ito isang napakatalino o masamang gawa, pero ito ay hindi nararapat, at hindi ito isang pagpapamalas na dapat tinataglay ng mga tao na may normal na pagkatao. Anong eksaktong uri ng pagpapamalas ito? Sige at klasipikahin mo ito. Anong uri ng pag-uugali ito? Dapat ba itong itaguyod? (Hindi.) Hindi ito karapat-dapat sa pagtataguyod at hindi ito pinupuri ng mga tao, kaya dapat itong tuligsain at kamuhian. Pangkaraniwan ang ganitong uri ng pag-uugali, madalas itong lumilitaw sa lahat ng grupo ng mga tao at sa pang-araw-araw na buhay, madalas itong napapagmasdan, at may mga tao na madalas na ginagawa ang ganitong uri ng bagay. Kaya, kung gayon, hindi ba ito karapat-dapat na ibukod at talakayin, at sa gayon ay binibigyang-kakayahan ang bawat tao na magkaroon ng tumpak na pakahulugan ng bagay na ito, at mas mabuting ilayo ang sarili nila mula sa ganitong uri ng pag-uugali? Hindi ba’t maganda iyon? (Oo.) Kung gayon bigyang-kahulugan natin ito—anong uri ng pag-uugali ito? Mapagmataas ba ito? Mapagmatigas ba ito? Mapanlinlang ba ito? (Hindi.) Buktot ba ito? (Medyo.) Ito ay medyo malapit diyan. Sa mga salitang natutunan at naunawaan ninyo, mayroong bang anumang makakapagbigay-kahulugan sa ganitong uri ng pag-uugali? (Mababang-uri.) Mababang-uri, ito nga ay mayroong kaunti ng ganitong kalidad. Naglalaman ang salitang ito ng ganitong uri ng pag-uugali at diwa pero hindi nito ibinubuod nang husto at lubos. Hindi maituturing na malisyoso ang pag-uugaling ito, dahil kung ang pagpatay sa isang daga ay malisyoso kung gayon ay magiging isang negatibong bagay ang pagpuksa sa mga daga. Isang positibong bagay ang pagpuksa sa mga daga; nakapipinsala ng tao ang mga daga, kaya tamang puksain ang mga ito. Pero wala bang pagkakaiba sa pagpuksa sa mga ito at sa pagkain sa mga ito? (Mayroon.) Kung gayon paanong maibubuod ang pag-uugaling ito? Aling mga salita ang maiisip ninyong nauugnay sa ganitong uri ng pag-uugali? (Nakapangdidiri.) (Hamak na katangian.) Hamak na katangian, mababang-uri, at nakapangdidiri. Sa pang-araw-araw na buhay, anong salita ang ginagamit para ibuod ang hamak at di-angkop na pag-uugali? (Marumi.) Ang salitang “marumi” ay sakto at masinsinang nagbubuod sa ganitong uri ng pag-uugali. Bakit ito binibigyang-kahulugan bilang “marumi”? Kung sinasabing ito ay mababang-uri, makasarili, o nakakapangdiri, isa lamang iyang uri ng pagpapamalas na ibinunyag ng mga maruming tao. Naglalaman ng maraming kahulugan ang “marumi”—ang pagiging mababang-uri, masama, nakakapandiri, makasarili, imoral, hindi inaayos ang asal, hindi pagiging lantad o tapat sa mga kilos ng isang tao, at sa halip ay kumikilos sa isang palihim na paraan, at gumagawa lang ng mga hindi wastong bagay. Ang mga ito ang iba’t ibang pag-uugali at pagpapamalas ng mga maruming tao. Halimbawa, kung gusto ng isang normal na tao na gumawa ng isang bagay, hangga’t wasto ito, ginagawa niya ito sa isang lantad na paraan, at kung nilalabag nito ang batas, susuko siya at hindi na gagawin ito. Hindi magkakapareho ang mga maruming tao; isasakatuparan nila ang kanilang mga layon kahit sa anumang paraan at mayroong mga diskarte para kontrahin ang mga limitasyon ng batas. Pinapaikutan nila ang batas at naghahanap ng mga paraan para maisakatuparan ang kanilang mga layon, ang paggawa man nito ay nakaayon sa mga etika, moralidad, o pagkatao, at kahit ano pa ang mga kahihinatnan. Wala silang pakialam sa anumang mga bagay na ito, at hinahangad lang na maisakatuparan ang mga layon nila kahit sa anumang paraang posible. Ito ay ang pagiging “marumi.” Mayroon bang anumang integridad o dignidad ang mga maruming tao? (Wala.) Sila ba ay mga taong marangal o hamak? (Hamak.) Sa paanong paraan sila hamak? (Walang batayang moral ang kanilang asal.) Tama iyon, ang ganitong uri ng tao ay walang batayan o mga prinsipyo sa kanyang asal; hindi niya isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan, at basta ginagawa ang anumang gusto niya. Wala siyang pakialam sa batas, sa moralidad, sa kung matatanggap ba ng konsensiya niya ang kanyang mga kilos, o kung tutuligsain, huhusgahan, o kokondenahin ba siya ng sinuman. Nagsasawalang-bahala siya sa lahat ng mga ito, at walang pakialam hangga’t nagkakamit siya ng mga benepisyo at nasisiyahan siya. Masama ang paraan niya ng paggawa ng mga bagay-bagay, kasuklam-suklam ang pag-iisip niya, at pareho itong kahiya-hiya. Ito ang ibig sabihin ng pagiging marumi. Mapapalitan ba ang salitang “marumi” ng mga pagpapamalas ng ilang mga disposisyong napag-usapan natin dati? Hindi talaga iyan uubra. Sadyang natatangi ang salitang “marumi,” kaya ang mga maruming tao ba ay isang natatanging uri ng mga tao? Hindi. Mayroon ba kayong anumang marumi sa inyo? (Oo.) Ano ang mga partikular na pagpapamalas nito? (Minsan pagkatapos hugasan ng mga tao ang kanilang mukha, nag-iiwan sila ng tubig sa buong estante at hindi ito pinupunasan. At kapag natapos nang kumain ang mga tao, hindi nila nililinis ang mga butil ng kanin at sabaw ng gulay sa mesa. Kapag narumihan na ang kanilang mga damit, inihahagis lang nila ang mga ito sa isang tabi nang hindi tinitiklop ang mga ito. Sa tingin ko ay pagpapamalas din ang mga ito ng pagiging marumi.) Ang totoo, ang lahat ng mga bagay na ito ay maliliit na detalye ng pang-araw-araw na buhay, at ang pagiging hindi malinis ay hindi tunay na pagiging marumi, may kinalaman ito sa pagsasabuhay ng isang tao sa pagkatao. Kung hindi ginagawa ng isang tao ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iba kapag nasa isang grupo, at kung ang isang tao ay hindi pinalaki nang maayos at nang may magandang pag-uugali, at maraming tao ang kinaiinisan at kinapopootan siya, at hindi alam sumunod sa mga patakaran o sistema ng anumang lugar na pinupuntahan niya, at wala ng kamalayang ito, kung gayon hindi ba may kulang sa pagkatao niya? (Oo.) Ano ang kulang? Ito ay kulang sa katwiran. Hindi ba’t walang dignidad ang mga taong tulad nito? (Oo.) Wala silang dignidad, walang integridad, at hindi pinalaki nang maayos. May kinalaman ito sa batayan ng asal ng tao, at sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Kung hindi man lang maisakatuparan ng isang tao ang mga pamantayang ito, kung gayon paano niya posibleng maisasagawa ang katotohanan? Papaano niya posibleng maluluwalhati ang Diyos? Paano siya posibleng makakikilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Masyado siyang malayo sa paggawa ng anuman sa mga bagay na ito. Walang konsensiya o katwiran ang ganitong uri ng tao—madali ba siyang pamahalaan? Madali ba para sa kanya na magbago? Ito ay ganap na hindi madali. Kung gayon paano siya magbabago? Nakasalalay ito sa lahat ng nangangasiwa, pumipigil, at nag-uudyok sa kanya. Sa mga seryosong kaso, dapat manindigan ang lahat para punahin siya. Ano ang layon ng pamumunang ito? Ito ay para alalayan siya, para tulungan siyang umasal nang maayos, at para pigilan siyang gumawa ng mga bagay na kahiya-hiya at hindi kanais-nais. Kaya, ano nga ba ang eksaktong tinutukoy ng pagiging marumi? Ano ang mga pangunahing sintomas at pagpapamalas nito? Tingnan kung ang Aking buod ay tumpak o hindi. Ano ang katumbas ng mga maruming tao? Katumbas nila ang mga mailap, hindi pinalaki nang maayos, mga ligaw na hayop, at ang mga pangunahing pagpapamalas nito ay kayabangan, kalupitan, kawalan ng pagpipigil, pagkilos ng walang habas, hindi pagtanggap sa katotohanan kahit katiting, pati na rin pagsasagawa ng anumang naisin, hindi pakikinig kahit kaninuman, o pagpayag sa sinuman na pamahalaan sila, nangangahas na sumalungat sa sinuman, at walang pagsasaalang-alang sa sinuman. Sabihin mo sa Akin, malubha ba ang iba’t ibang pagpapamalas ng pagiging marumi? (Oo.) Kahit papaano, masyadong malubha ang diposisyong ito ng kayabangan, ng kawalan ng katwiran, at ng pagkilos ng walang habas. Kahit na ang isang tao na tulad nito ay para bang hindi ginagawa ang mga bagay na humuhusga o lumalaban sa Diyos, dahil sa kanyang mapagmataas na disposisyon, malamang na gagawa siya ng kasamaan at lalabanan ang Diyos. Ang lahat ng mga kilos niya ay mga pagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon. Kapag ang isang tao ay naging marumi hanggang sa isang tiyak na punto, nagiging isang mandarambong at diyablo siya, at hindi kailanman tatanggapin ng mga mandarambong at diyablo ang katotohanan—puwede lang silang wasakin.

May saysay bang pag-usapan ang kwentong ito? (Oo.) Bagaman ang kwentong ito ay hindi sumasagi sa kalikasang diwa o disposisyon ng tao, tumutukoy ito sa pag-uugali ng tao, na hindi masyadong naiiba sa o walang kaugnayan sa diwa ng tao. Anong dapat itawag sa kwentong ito? Bigyan natin ito ng pangalang may alegorikong kalidad, at hindi ito ginagawang sobrang prangka. (Panghuhuli ng mga Daga.) Medyo maganda ang “Panghuhuli ng mga Daga.” May isang tao na nakahuli ng daga sa isang “ganap na lehitimong” paraan at sinabing: “Anong magagawa ko? Tumakbo ito rito at naaawa ako rito. Isa pa, nasaktan ito. Kung tatakbo ito palabas, mamamatay ito, at pagkatapos ay kakainin lang din naman ito ng ibang hayop, kaya bakit hindi ko na lang ito kainin? Hindi ba iyon magiging ganap na lehitimo?” Para makain ang dagang iyon, kinatha niya ang lahat ng palusot na iyon at ginawa ang lahat ng dahilang iyon, at pagkatapos ay kinain ito ng may malinis na konsensiya. Ito ay ang pagiging marumi. Hindi ito na para bang hindi maaaring kumain ng karne ang mga tao sa Amerika, kaya hindi sulit na pagdaanan ang lahat ng gulong iyon at ibigay ang lahat ng pagsisikap na iyon para gawin ang gayong bagay. Ito ay uri ng bagay na ginagawa ng mga maruming tao. Ginagawa ba ng mga normal na tao ang ganitong uri ng bagay? Ginagawa ba ng mga tao_na may pagkatao at integridad ang ganitong uri ng bagay? (Hindi.) Bakit hindi nila ginagawa ito? May kaugnayan ito sa integridad. Iyong mga likas na di-maiwastong magnanakaw ay palaging nagnanakaw at nangungupit, at gumagawa ng mga kahiya-hiyang bagay. May bagay ba na kapos sila sa tahanan? Maaaring wala. Yamang marumi sila, kailangan nilang magnakaw, umasa sa pagnanakaw para matugunan ang kanilang sariling mga kagustuhan at ang kanilang walang-kasiyahang sakim na disposisyon. Nagdadala ng ginhawa sa kanilang mga puso ang paggawa ng mga bagay na ito. Kung hindi nila gagawin ang ganitong uri ng bagay, sasama ang loob nila. Ito ay ang pagiging marumi. Ngayon, tatapusin ko na ang kwentong ito at dadako na sa pangunahing paksa.

Bago ko talakayin ang pangunahing paksa, una, magmuni-muni tayo sa nilalaman ng ating huling pagbabahaginan. Ang mga tungkuling ginagampanan ng hinirang na mga tao ng Diyos ay maaaring mahati sa anim na pangunahing kategorya. Natapos na nating talakayin ang unang kategorya, na mga taong gumaganap sa tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang ikalawang kategorya ay ang mga gumaganap sa tungkulin ng mga lider at manggagawa sa iglesia sa iba’t ibang antas. Ang mga miyembro ng kategoryang ito ay maaaring mahati sa dalawang pangunahing uri, at noong nakaraan ay pinag-usapan natin ang tungkol sa isa sa mga uring ito, ang mga anticristo. Kung paano gumagawa ang mga anticristo, kung aling pagpapamalas ang mayroon sila at kung aling mga bagay na ginagawa nila na makatutukoy sa kanila bilang mga anticristo—inuri natin ang mga pagpapamalas at disposisyong ito ng mga anticristo. Aling mga partikular na aytem ang naroon? (Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao; Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon; Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan; Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili; Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao.) Noong nakaraan, limang aytem ang ibinuod, at itinala ninyo ang lahat ng mga ito. Ngayon ay itala ang mga susunod. Ikaanim na Aytem: Sila ay Kumikilos sa Tuso na mga Paraan, Sila ay Wala sa Katwiran at mga Diktador, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila; Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang; Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos; Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian; Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos; Ikalabing-isang Aytem: Hindi Nila Tinatanggap ang Pagpupungos, ni Hindi Sila Nagsisisi Kapag Nakakagawa Sila ng Anumang Pagkakamali, Kundi sa Halip ay Nagkakalat Sila ng mga Kuro-kuro at Hayagan Nilang Hinuhusgahan ang Diyos; Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Walang Katayuan at Walang Pag-asang Magtamo ng mga Pagpapala; Ikalabintatlong Aytem: Kinokontrol Nila ang mga Pananalapi ng Iglesia at Kinokontrol din Nila ang Puso ng mga Tao; Ikalabing-apat na Aytem: Tinatrato Nila ang Sambahayan ng Diyos na Parang Sarili Nilang Personal na Teritoryo; Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo. Mayroong 15 aytem sa kabuuan, at hinihimay at isinisiwalat ng lahat ng ito ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Mahalagang ibinubuod ng 15 aytem na ito ang magkakaibang uri ng pag-uugali, pagpapamalas, at disposisyon na mayroon ang mga anticristo. Ang ilan sa mga ito ay tila mga pag-uugali sa panlabas, ngunit sa likod ng mga pag-uugaling ito ay ang mga pinagbabatayang disposisyon at diwa ng mga anticristo. Pagdating sa literal na kahulugan ng mga ito, hindi ba madaling maunawaan ang 15 aytem na ito? Ang lahat ng mga ito ay ipinahayag sa payak na wika, at sa isang banda, madaling maunawaan ang mga ito, habang sa karagdagan, kung ano ang ibinubuod ng bawat isa sa mga ito ay nauugnay sa mga pagpapamalas, paghahayag, at diwa ng tao. Isang uri ng disposisyon ang bawat aytem; hindi lang ito isang pansamantalang pag-uugali o kaisipan. Ano ang isang disposisyon? Paano maipaliliwanag ng isang tao kung ano ang isang disposisyon? Ang isang disposisyon ay kapag, saan man pumupunta ang isang tao, ang kanyang mga kaisipan, ideya, prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay, kaparaanan ng operasyon, at ang layong hinahangad niya ay hindi nagbabago kasama ng mga pagbabago sa oras at pang-heograpiyang lokasyon. Kung maglalaho ang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng isang tao sa sandaling magbago ang kapaligiran niya, hindi ito ang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, sa halip ay isang pansamantalang pag-uugali. Ano ang tinutukoy ng isang tunay na disposisyon? (Mapangingibabawan nito ang isang tao anumang oras at sa anumang lugar.) Tama iyan, mapangingibabawan nito ang mga salita at kilos ng isang tao anumang oras at lugar, nang walang mga kondisyonal na pagpipigil o impluwensya; iyan ang isang diwa. Ang diwa ay ang bagay na inaasahan ng isang tao para mabuhay; hindi ito magbabago na nakasalalay sa mga pagbabago sa oras, lokasyon, o iba pang panlabas na kadahilanan. Iyan ay ang diwa ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao: “Mayroon ako ng humigit-kumulang lahat nitong 15 pagpapamalas ng anticristo na binuod Mo, ngunit hindi ko hinahangad ang katayuan at hindi ako ipinanganak na may anumang ambisyon. Saka, wala akong pinapasang anumang responsibilidad sa ngayon. Hindi ako isang lider o isang manggawa, at hindi ko gustong maging sentro ng atensyon, kaya hindi ba walang kaugnayan sa akin ang kalikasang diwa ng mga anticristo? Kung walang kaugnayan ito, kung gayon, hindi ba’t totoong hindi ko kailangang makinig sa mga pagbabahaginang ito o panindigan ang sarili ko laban sa mga ito para sa paghahambing?” Ganito ba ang lagay ng mga bagay? (Hindi.) Kung gayon paano dapat harapin ng isang tao ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo? Paano dapat harapin ng isang tao ang mga katotohanang pinagbahaginan tungkol sa mga pagpapamalas na ito? Dapat maunawaan ng isang tao ang katotohanan at makilala ang sarili niya sa loob ng mga pagbabahaginang ito, pagkatapos ay hanapin ang tamang landas, at magtaglay ng mga prinsipyo sa pagganap ng kanyang tungkulin at kanyang serbisyo sa Diyos. Sa paraang ito lang sila makalalayo mula sa landas ng mga anticristo at makapagsisimula sa landas ng pagiging perpekto. Kung maidudugtong ninyo ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo sa sarili ninyo, kung gayon magiging babala ito, isang paalala, isang paglalantad, at isang paghahatol para sa inyo. Kung hindi ninyo maidudugtong ang mga ito sa sarili ninyo, ngunit nadarama ninyong mayroon din kayong mga magkatulad na kalagayan, kung gayon ay dapat ninyong subukang pagnilayan at kilalanin nang higit pa ang sarili ninyo, at hangarin ang katotohanan para lutasin ang mga kalagayang iyon. Sa ganitong paraan, unti-unti mo ring maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon at maiwasang tumahak sa landas ng mga anticristo.

Isang Pagsusuri Kung Paano Itinataas at Pinatototohanan ng mga Anticristo ang Kanilang Sarili

Ang pagbabahaginan ngayon ay tungkol sa ikaapat na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: itinataas at pinapatotohanan ang kanilang sarili. Itinataas at pinapatotohanan ang mga sarili nila, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang itinataas at pinapatotohanan ng mga tao ang mga sarili nila? Paano nila natatamo ang layunin na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan itinataas nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming tao ang magpapahalaga, titingala, hahanga, at gayundin ang sasamba, gagalang, at susunod sa kanila. Upang matamo ang layong ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran at wala silang kahihiyan, ibig sabihin, walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, malulupit na diskarte sa mga makamundong transaksiyon, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili nila ay upang ipangalandakan ang sarili nila at maliitin ang iba. Nagbabalatkayo at nagpapanggap din sila, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba’t isa itong paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili? Ang pagtataas at pagpapatotoo ba sa sarili ay isang bagay na ginagawa ng isang taong may konsensiya at katwiran? Hindi. Kaya kapag ginagawa ito ng mga tao, anong disposisyon ang karaniwang nabubunyag? Kayabangan. Ito ang isa sa mga pangunahing disposisyon na nabubunyag, na sinusundan ng panlilinlang, na kinasasangkutan ng paggawa ng lahat ng maaari upang gawing mataas ang pagpapahalaga sa kanila ng ibang mga tao. Hindi mabubutasan ang kanilang mga salita at malinaw na naglalaman ng mga motibasyon at pakana, nagpapakitang-gilas sila, gayumpaman ay nais nilang itago ang katunayang ito. Ang kalalabasan ng kung ano ang sinasabi nila ay na pinararamdam sa mga tao na mas mahusay sila kaysa sa iba, na wala silang sinumang kapantay, na ang lahat ng iba ay nakabababa sa kanila. At ang kalalabasang ito ay hindi ba natatamo sa pamamagitan ng mga pakubling paraan? Anong disposisyon ang nasa likod ng gayong mga paraan? At mayroon bang anumang mga sangkap ng kabuktutan? (Mayroon.) Isa itong uri ng buktot na disposisyon. Makikita na ang mga kaparaanang ginagamit nila ay udyok ng isang mapanlinlang na disposisyon—kaya bakit Ko sinasabi na buktot ito? Ano ang koneksyon nito sa kabuktutan? Ano sa palagay ninyo: Kaya ba nilang maging bukas tungkol sa kanilang mga layon na itaas at patotohanan ang kanilang sarili? Hindi nila kaya. Ngunit laging may hangarin sa kaibuturan ng kanilang puso, at ang sinasabi at ginagawa nila ay para makatulong sa hangaring iyon, at ang mga layon at motibo ng sinasabi at ginagawa nila ay lubos nilang inililihim. Halimbawa, gagamit sila ng panlilihis o ilang patagong kahina-hinalang taktika para makamtan ang mga layon na ito. Hindi ba’t likas na tuso ang gayong paglilihim? At hindi ba’t matatawag na buktot ang gayong pagkatuso? (Oo.) Maaari nga itong tawaging buktot, at mas malalim iyon kaysa panlilinlang. Gumagamit sila ng partikular na pamamaraan para makamit ang kanilang mga mithiin. Ang disposisyong ito ay panlilinlang. Gayunman, ang ambisyon at pagnanais sa kaibuturan ng kanilang puso na palaging gustong pasunurin, patingalain, at pasambahin ang mga tao sa kanila ang kadalasang nagtutulak sa kanila para itaas at patotohanan ang kanilang sarili, at ginagawa nila ang mga bagay na ito nang walang prinsipyo at walang kahihiyan. Ano ang disposisyong ito? Umaangat ito sa antas ng kabuktutan. Ang kabuktutan ay higit pa sa ordinaryong makitid na pag-iisip o pagiging mapanlinlang at mapagsinungaling. Kung makaaangat ang isang tao mula sa ordinaryong katiwalian papunta sa antas ng kabuktutan, hindi ba’t nangangahulugan itong mas malalim ang kanyang pagiging tiwali? (Oo.) Kung gayon, ilarawan ang antas ng kabuktutan—ano ang angkop na paraan para ilarawan ito? Bakit umaangat ang isang tao mula sa ordinaryong katiwalian papuntang kabuktutan? Nakikita ba ninyo nang malinaw ang usaping ito? Ano ang pagkakaiba ng panlilinlang at kabuktutan? Pagdating sa kung paano nagpapamalas ang mga ito, ang kabuktutan at panlilinlang ay malapit na nauugnay, ngunit mas malubha ang kabuktutan—ito ay panlilinlang na nasa pinakasukdulan. Kung ang isang tao ay sinasabing may buktot na disposisyon, hindi ordinaryo ang pagiging mapanlinlang ng tao na ito, sapagkat ang ordinaryong panlilinlang ay puwedeng nangangahulugang siya ay may ugaling sinungaling o hindi masyadong matapat sa mga kilos niya, samantalang mas malubha ang kabuktutan at nasa mas malalim na antas kaysa sa panlilinlang. Ang panlilinlang ng isang tao na may buktot na disposisyon ay mas malaki at mas malubha kaysa sa isang pangkaraniwang tao, at ang kanyang mga paraan at diskarte sa paggawa ng mga bagay-bagay, at ang mga pakana sa likod ng kanyang mga kilos, ay mas tuso at malihim lahat, at hindi maaarok ang mga ito ng karamihan sa mga tao. Ito ang kung ano ang kabuktutan.

Paanong ang isang anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili ay naiiba kaysa sa pangkaraniwang tao na ganoon din ang ginagawa? Madalas na nagyayabang at nagpapasikat ang pangkaraniwang tao para maging mataas ang tingin sa kanya ng mga tao, at magkakaroon din siya ng mga pagpapamalas ng mga disposisyon at kalagayang ito, kaya paanong ang isang anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili ay naiiba kaysa sa mga karaniwang tao na ganoon din ang ginagawa? Saan naroroon ang pagkakaiba? Dapat malinaw ito sa iyo—huwag mong pagsama-samahin ang lahat ng pagpapamalas ng paminsan-minsang pagtataas o pagyayabang ng sarili sa ilalim ng kategorya ng mga anticristo. Hindi ba’t ito ay isang pagkakamaling konseptuwal? (Oo.) Kung gayon, paano malinaw na makikita ang pagkakaiba ng usaping ito? Saan naroroon ang pagkakaiba? Kung maisasaad mo ito nang malinaw, lubusan mong mauunawaan kung ano ang diwa ng isang anticristo. Subukan mo ito. (Mas patago ang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng isang anticristo; gumagamit siya ng ilang paraang tila napakawasto para ilihis ang mga tao. Tila ba nangungusap siya tungkol sa isang wastong usapin, ngunit bago mo pa mamalayan, nagsisimula na siyang itaas at patotohanan ang kanyang sarili, nang hindi ito nahahalata ng sinuman. Medyo patago ang mga paraan niya.) Ang medyo patagong paraan—ito ay sa kanyang paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanyang sarili nakikita ang pagkakaiba. May iba pa ba? Sabihin mo sa Akin, ano ang pagkakaiba sa kalikasan ng sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili at ng walang kamalayang paggawa nito? (Magkaiba ang mga layunin.) Hindi ba’t dito makikita ang pagkakaiba? (Oo.) Kapag ang isang pangkaraniwang tao na may mga tiwaling disposisyon ay itinataas at ipinagmamalaki ang kanyang sarili, ito ay para magpasikat lang. Matapos niyang magpasikat, iyon na iyon, at wala na siyang pakialam kung mataas man o mababa ang tingin ng ibang tao sa kanya. Hindi masyadong malinaw ang kanyang layon, isa lang iyong pamamayani sa kanya ng disposisyon, isang pagbubunyag ng disposisyon. Iyon lang iyon. Madali bang baguhin ang ganitong uri ng disposisyon? Kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, magagawa niyang unti-unting magbago kapag nararanasan niyang pinupungusan, hinahatulan, at kinakastigo siya. Unti-unting madaragdagan ang kanyang pagkaramdam ng kahihiyan at pagkamakatwiran, at paunti nang paunti niyang ipakikita ang ganitong uri ng pag-uugali. Kokondenahin niya ang ganitong uri ng pag-uugali, at magpipigil siya at rerendahan niya ang kanyang sarili. Ito ay walang kamalayang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili. Bagaman ang mga disposisyong nakapaloob sa sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili at ang walang kamalayang pagsasagawa nito ay magkapareho, ang kalikasan ng dalawa ay magkaiba. Paano nagkaiba ng kalikasan ang mga ito? Ginagawa nang may intensyon ang sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili. Hindi lang basta nagsasalita nang kaswal ang mga taong gumagawa nito—sa bawat pagkakataong itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili, nagkikimkim sila ng ilang mga partikular na layunin at mga natatagong balak, at ginagawa nila ang ganitong uri ng bagay nang may mga satanikong ambisyon at pagnanais. Sa panlabas, tila kaparehong uri ito ng pagpapamalas. Sa parehong mga kaso, ang mga tao ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili, ngunit paano binibigyang-kahulugan ng Diyos ang walang kamalayang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Bilang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. At paano naman binibigyang-kahulugan ng Diyos ang sadyang pagtaasat pagpapatotoo sa sarili? Bilang isang tao na nagnanais na mailihis ang mga tao, na naglalayong respetuhin, sambahin, tingalain, at sundin siya ng mga tao. Likas na mapanlihis ang kanyang kilos. Kaya, sa sandaling magkaroon siya ng layong ilihis ang mga tao, at angkinin ang mga tao para sumunod at sumamba sila sa kanya, gagamit siya ng ilang mga paraan at diskarte kapag nagsasalita at kumikilos siya, na madaling maglilihis at manlilinlang sa mga hindi nakauunawa sa katotohanan at walang malalim na pundasyon. Hindi lang walang pagkilatis ang mga ganitong tao, bagkus, iniisip nilang tama ang sinasabi ng taong ito, at maaaring tingalain at respetuhin nila siya, at sa paglipas ng panahon ay sasambahin at susundan pa nga siya ng mga ito. Ang isang pinakakaraniwang penomena sa pang-araw-araw na buhay ay ang tila nauunawaan nang mabuti ng isang tao ang isang sermon matapos niyang marinig ito, ngunit sa kalaunan, kapag may nangyari sa kanya, hindi niya alam kung paano lulutasin ito. Pumupunta siya sa harap ng Diyos para maghanap, ngunit hindi ito nagbubunga, at sa huli, kinakailangan niyang pumunta sa kanyang lider para magtanong tungkol sa usaping ito at humingi rito ng solusyon. Sa tuwing may mangyayari sa kanya, nais niyang hilingin sa kanyang lider na lutasin ito. Ito ay tulad ng kung paanong ang paninigarilyo ng opyo ay nagiging isang adiksyon at isang kagawian para sa ilang tao, at sa takdang panahon, hindi na nila magagawang magpatuloy pa nang hindi humihithit nito. Kaya, ang mga anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili ay di-halatang nagiging isang uri ng ipinagbabawal na gamot para sa mabababa ang tayog, hindi kumikilatis, hangal, at mangmang. Sa tuwing may anumang nangyayari sa kanila, pumupunta sila sa anticristo para magtanong tungkol dito, at kung hindi maglalabas ng utos ang anticristo, hindi sila mangangahas magsagawa ng anuman, kahit pa tapos na itong pag-usapan ng lahat at may napagkasunduan na sa usapin. Takot silang sumalungat sa kalooban ng anticristo at na mapigilan, kaya sa bawat usapin, mangangahas lang silang kumilos pagkatapos magsalita ng anticristo. Kahit na malinaw nilang naunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, hindi sila nangangahas na gumawa ng desisyon o pangasiwaan ang usapin, sa halip ay naghihintay sila sa “among” tinitingala nila para sa huling hatol at desisyon. Kung walang sasabihin ang kanilang amo, ang sinumang nangangasiwa sa usapin ay mag-aalangan sa kung ano ba ang dapat nilang gawin. Hindi ba’t nalason na ang mga taong ito? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng nalason na. Para malason sila nang husto, gaano karaming gawain ang kailangang gawin ng anticristo, at gaano karaming lason ang kailangang maibigay ng anticristo sa kanila? Kung madalas hinihimay at kinikilala ng anticristo ang kanyang sarili, at madalas niyang inilalantad ang kanyang mga kahinaan, pagkakamali, at pagsalangsang para makita ng mga tao, sasambahin pa rin ba siya ng lahat nang tulad nito? Hinding-hindi. Lumalabas na matinding pinagsisikapan ng anticristo ang pagtataas at pagpapatotoo sa kanyang sarili, kaya naman nakamit niya ang gayong “tagumpay.” Ito ang resultang nais niya. Kung wala siya, walang sinumang makaaalam kung paano gagawin nang wasto ang kanilang mga tungkulin, at ang lahat ay hindi malalaman ang kanilang gagawin. Maliwanag na, habang kinokontrol ng anticristo ang mga taong ito, palihim niya silang binibigyan ng maraming lason at labis siyang nagsisikap! Kung kaunting salita lang ang sinabi niya, malilimitahan pa rin kaya niya ng ganito ang mga taong ito? Hinding-hindi. Kapag nagawang isakatuparan ng anticristo ang kanyang layong sambahin, at tingalain at pakinggan siya ng mga tao sa bawat usapin, hindi ba’t gumawa na siya ng maraming bagay at nangusap na siya ng maraming salita na nagtataas at pinatototohanan ang kanyang sarili? Ano ang kalalabasan ng paggawa nito? Ito ay na mawawalan ng landas ang mga tao at hindi nila magagawang mamuhay pa nang wala siya—na para bang malalaglag ang langit at titigil na sa pag-ikot ang mundo kung wala siya, at mawawalan ng halaga o saysay ang pananalig sa Diyos, at magiging walang silbi ang pakikinig sa mga sermon. Pakiramdam din ng mga tao na sila ay may kaunting pag-asa sa kanilang buhay kapag nariyan ang anticristo, at ganap silang mawawalan ng pag-asa kung mamamatay ang anticristo. Hindi ba’t nabihag na ni Satanas ang mga taong ito? (Oo.) At hindi ba’t nararapat lang iyon sa mga taong tulad nito? (Oo.) Bakit natin sinasabing nararapat ito sa kanila? Ang Diyos ang Siyang pinananampalatayaan mo, kaya bakit ka sumasamba at sumusunod sa mga anticristo, hinahayaan silang pigilan at kontrolin ka sa bawat pagkakataon? Saka, anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, nagbigay sa mga tao ang sambahayan ng Diyos ng malilinaw na prinsipyo at patakaran. Kung may problemang hindi kayang lutasin ng isang tao nang mag-isa, dapat siyang maghanap mula sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan, at maghanap mula sa Itaas sa mga mas seryosong usapin. Ngunit hindi lang sa hindi mo hinahanap ang katotohanan, bagkus, sumasamba at tumitingala ka pa sa mga tao, naniniwala sa kung anong sinasabi ng mga anticristong ito. Samakatwid, naging alipores ka na ni Satanas, at hindi ba’t ang sarili mo lang ang puwede mong sisihin? Hindi ba iyan nararapat sa iyo? Ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay isang karaniwang pag-uugali at pagpapamalas ng mga anticristo, at isa ito sa mga pinakakaraniwang pagpapamalas. Ano ang pangunahing katangian kung paano itinataas at pinatototohanan ng mga anticristo ang kanilang sarili? Paano ito naiiba sa kung paano itinataas at pinatototohanan ng pangkaraniwang tao ang kanyang sarili? Ito ay na ang mga anticristo ay may sariling layunin sa likod ng pagkilos na ito, at hinding-hindi nila ito ginagawa nang walang kamalayan. Sa halip, nagkikimkim sila ng mga intensyon, pagnanais, at ambisyon, at masyadong nakakikilabot isipin ang mga kahihinatnan ng kanilang pagpapatotoo sa kanilang sarili sa ganitong paraan—malilihis at makokontrol nila ang mga tao.

Hayaan mo Akong magbigay ng halimbawa. Puwede ninyong isipin kung ang ganitong uri ng pagpapamalas at disposisyon ay nauugnay sa pagtataas at pagpapatotoo ng sarili. Minsan, may isang lider na ginawa ang gawain ng iglesia sa isang lugar sa loob ng dalawa o tatlong taon. Pinupuntahan niya ang mga iglesia, at sa wakas ay napatibay ang sarili roon. Anong ibig sabihin ng napatibay ang sarili roon? Nangangahulugan ito na kilala siya ng karamihan sa mga tao at mataas ang tingin sa kanya, at na medyo kilala siya sa lugar na iyon. Sa sandaling makita siya ng mga tao, sinasalubong siya ng mga ito, inaalok sa kanya ang upuan nila, at binibigyan siya ng masarap na makakain. Walang mga boses na tumututol, walang mga tao na sumasalungat sa kanya; pamilyar na pamilyar ang lahat sa lider na ito, at sa kaibuturan, lahat sila ay lubos na sinasang-ayunan kung paano niya ginawa ang mga bagay-bagay at tinatanggap ang kanyang pamumuno. Hindi tiyak kung gaano karaming gawain ang ginawa roon ng lider, kung gaano karami ang sinabi niya, o kung tungkol saan ang sinabi niya; walang nakaaalam ng mga detalyeng ito, ngunit sa madaling sabi, lubos na sumang-ayon sa kanyang pamumuno ang karamihan ng mga tao. Pagkalipas ng ilang panahon, sinabi ng lider: “Pawang masusunurin at mapagpasakop ang mga kapatid dito, at maayos ang takbo ng iglesia sa lahat ng aspekto. Sa kasamaang palad, may isang bagay na hindi ganap na kasiya-siya, na ang kapaligiran dito ay kakila-kilabot. Kung angkop ang kapaligiran, makahahanap tayo ng isang maganda at maaliwalas na araw upang pumunta sa isang malaking parke para sa isang malaking pagtitipon na may libu-libong tao, at ilalabas natin ang katotohanan gamit ang mikropono at isang hanay ng malalaking speaker, at aakay ng mas maraming tao upang manampalataya sa Diyos. Hindi ba’t magbubunga ang gawain natin?” Matapos marinig ito, lahat ay nagsabi ng “Amen” at sinang-ayunan ito. Sabihin mo sa Akin, may problema ba sa pariralang “ilalabas natin ang katotohanan”? (Oo.) Anong problema? (Tinatrato ng lider ang kanyang sarili bilang Diyos.) Alam ninyong lahat na may problema rito, ngunit ang mga tao na naguguluhan na naroon ay hindi ito alam. Tinugon pa nga nila ang pangungusap na ito ng isang “Amen”! Inilabas ba ng lider na ito ang katotohanan? Sino siya? Isa siyang ordinaryong lider; gumawa siya ng gawain sa loob ng ilang taon at pagkatapos ay nagsimulang isiping nakahihigit siya sa lahat at nakalimutan kung sino siya, at ninais pa ngang ipahayag ang katotohanan—iyon ay isang mahirap na gawain para sa kanya. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na hindi niya alam kung sino siya, at hindi niya alam kung ano ang tungkuling ginagawa niya. Yamang may ganito siyang uri ng disposisyon, may anumang bahagi ba ng kanyang karaniwang gawain o pananalita ang nakaayon sa katotohanan? Ang kanyang karaniwang gawain at pananalita ay tiyak na puno ng mga magugulo at maladiyablong salita, at lubos na hindi makakamit ang resulta ng panunustos at pagdidilig sa iglesia. Hindi niya alam kung ano ang katotohanan, lalo na kung anong kahulugan ng pagpapahayag ng katotohanan. Matapos gumawa sa isang lugar sa loob lang ng dalawa o tatlong taon, naramdaman niyang mayroon siyang kaunting katanyagan at kapital, at pagkatapos ay nakalimutan niya kung sino siya, naging maganda ang pakiramdam niya sa kanyang sarili, at ninais na ipahayag ang katotohanan. Ang pagkakaroon ba ng gayong maling akala ay hindi nakasusulasok? Saan nanggagaling ang maling akalang ito? Nagkaroon ba siya ng sakit sa pag-iisip, o ito ba ay isang panandaliang simbuyo ng damdamin? Gumawa siya ng kaunting gawain, walang sinuman sa lokal na iglesia ang sumalungat sa kanya, at tila ba naging maayos ang lahat sa kanya, kaya naniwala siya na ang lahat ay resulta ng gawaing ginawa niya, at bigla niyang naramdamang maaako niya ang karangalan para rito. Naisip niya, “Kung makagagawa ako ng gayong kamakabuluhang gawain, hindi ba ako ang Diyos? At kung ako ang Diyos, ako ay lubhang napipigilan sa ngayon—kung mas mabuti ang panlabas na kapaligiran, maipahahayag ko ang katotohanan!” Biglang pumasok sa isip niya ang kaisipang ito. Hindi ba’t may mali sa pag-iisip niya? (Oo.) May mali sa pag-iisip niya. Hindi ba’t siya ay walang katwiran? Puwede bang ang mga kilos at salita ni Satanas at ng mga anticristo ay nagtataglay ng katwiran ng normal na pagkatao? Talagang hindi puwede. Gumawa ang lider na ito ng kaunting gawain at nakakuha ng ilang resulta, pagkatapos ay bigla niyang nakalimutang isa siyang tao. Ang nagagawa ba niyang sabihin ang gayong di-makakatwirang salita ay nauugnay sa kanyang mga disposisyon? (Nauugnay ito.) Paano ito nauugnay? Sa loob ng kanyang mga disposisyon, handa ba siyang maging isang tagasunod? Alam ba niyang isa lang siyang pangkaraniwang tagasunod ng Diyos? Talagang hindi niya alam. Naniniwala siyang labis na kagalang-galang at nakahihigit sa iba ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan. Hindi ba kayo pamilyar sa ganitong uri ng pag-uugali at sa kalikasan nito? Bakit itinapon sa himpapawid si Satanas? (Ninais nitong maging kapantay ang Diyos.) Ito ay dahil ninais nitong maging kapantay ang Diyos. Dahil hindi alam ni Satanas ang posisyon nito sa sansinukob, hindi alam kung sino ito, at hindi alam ang sarili nitong hangganan, nang pahintulutan ng Diyos si Satanas na tumahak sa kaparehong espasyo tulad Niya, nagsimulang isipin ni Satanas na ito ay Diyos. Ninais nitong gawin ang mga bagay na ginawa ng Diyos, ninais nitong kumatawan sa Kanya, palitan Siya, at ikaila ang pag-iral Niya, at dahil dito, itinapon ito sa himpapawid. Ginagawa ng mga anticristo ang kaparehong bagay, nagkakapareho ang kalikasan ng kanilang mga kilos, at sila at si Satanas ay iisa ang pinagmulan. Para sa isang anticristo, ang gayong pagpapamalas ay hindi isang paminsan-minsang pagbubunyag o resulta ng isang kapritso—ito ay ang lubos na pangingibabaw ng kanilang satanikong kalikasan at isang likas na pagbubunyag ng kanilang satanikong disposisyon. Ano ang kalikasan ng pagpapamalas ng lider na kakatapos Ko lang ikuwento? (Sa isang anticristo ito.) Bakit natin tinatalakay ang pagpapamalas na ito para sa aytem ng pagtataas at pagpapatotoo ng sarili? Paanong nauugnay ang kalikasan ng pagpapamalas na ito sa pagtataas at pagpapatotooo ng sarili? Ano ang kalikasan ng mga salitang “ilalabas ang katotohanan” na sinabi niya? Bakit Ko sinasabing nauugnay ang mga salitang ito sa pagtataas at pagpapatotoo ng sarili? (Naniwala ang lider na maibibigay niya sa mga tao ang katotohanan.) Iyan ang ibig niyang sabihin. Noong sinabi niya ang gayong mga bagay, inisip ng mga taong nakarinig ng mga ito, “Mayroon kang napakakahanga-hangang ugali, at nakapagsasalita ka sa gayong tono—hindi ba’t ito ang uri ng tono na dapat gamit ng Diyos sa pagsasalita? Hindi ba’t ito ang uri ng kahanga-hangang asal at adhikain na dapat mayroon ang Diyos?” Hindi ba’t nakamit ng lider na ito ang layong pagtataas at pagpapatotoo ng kanyang sarili? Nagawa niyang magkaroon ang mga tao ng damdamin ng pagrespeto, pagsamba, at paghanga sa kanya nang hindi ng mga ito namamalayan. Hindi ba’t iyon ang sitwasyon? (Oo.) Ito ang kahindik-hindik na anyo ng isang anticristo; ito ang isang anticristo na palihim na itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili.

Mayroong pa bang ibang mga pagpapamalas ng pagtataas at pagpapatotoo ng sarili? Dapat na pagnilayan ninyong lahat ang inyong sarili hinggil sa usaping ito. Gagawin ba ninyo ang gayong bagay na pagpapatotoo sa inyong sarili? Mapipigilan ka ba ng iyong konsensiya at katwiran at mahahadlangan mo ba ang iyong sarili sa paggawa ng gayong kahiya-hiyang bagay? Kung mapipigilan mo ang iyong sarili, pinatutunayan nitong may pagkamakatwiran ka, na iba ka sa mga anticristo. Kung hindi ka nagtataglay ng pagkamakatwirang ito, at mayroon ka ng ganitong mga uri ng ambisyon at pagnanais, at may kakayahan ding gawin ang gayong bagay na pagpapatotoo sa iyong sarili, kapareho ka ng isang anticristo. Kaya, ano ang kaso para sa inyo? Kumikilos ka ba nang may pagpipigil? Kung mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, pakiramdam ng kahihiyan, at pagkamakatwiran, kung gayon, bagaman ibig mong gawin ang mga bagay na ito, iisipin mong sasalungatin ng mga ito ang Diyos at kamumuhian ka Niya, at pagkatapos ay magagawa mong pigilan ang iyong sarili at hindi mangangahas na patotohanan ang iyong sarili. Kung pipigilan mo ang iyong sarili nang isang beses at pagkatapos ay dalawang beses, sa kalaunan, ang mga ideyang ito, ang mga layunin at kaisipang ito, ay dahan-dahang magsisimulang mabawasan, unti-unti. Magkakaroon ka ng pagkilatis sa mga ideyang ito at mararamdamang kalait-lait at nakasusulasok ang mga ito, ang mga simbuyo at pagnanais mong gawin ang gayong mga bagay ay mababawasan, at unti-unti ay magagawa mong rendahan at kontrolin ang iyong sarili, hanggang sa paunti nang paunti ang dalas ng pag-usbong ng mga ideyang ito. Kung nababatid mo ang mga ito ngunit hindi kayang pigilin ang iyong sarili, at nagkikimkim ka ng matinding mga layon, nagnanais lang na pasambahin ang mga tao sa iyo, at hindi ka nasisiyahan kung walang sumasamba o sumusunod sa iyo, at napupuno ka ng pagkamuhi, at nais na gumawa ng isang bagay, at nagagawang patotohanan ang iyong sarili nang hindi nakokonsensiya at nagpapasikat—isa kang anticristo. Ano ang kaso sa inyo? (Kapag nababatid ko ang mga ito, nagagawa kong pigilin ang aking sarili.) Anong inaasahan mo para pigilan ang iyong sarili? (Inaasahan ko ang pagkakaroon ng kaunting kaalaman sa Diyos at ang pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso.) Kung ang isang tao ay mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, magagawa niyang magpigil. Hindi naisasakatuparan ang pagpipigil sa pamamagitan ng pagtitimpi o paghadlang sa sarili, kundi isang resultang nakamit sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan at takot sa Diyos. Pinipigilan ng isang tao ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagkamakatwiran at katalusan, at kasabay nito, ginagawa ng isang tao ang pagpipigil dahil mayroon siyang bahagyang may-takot-sa Diyos na puso at natatakot na salungatin ang Diyos. Kung hindi ka kayang pigilan ng iyong pagkamakatwiran, at wala ka ring may-takot-sa-Diyos na puso, at kung hindi ka nakadarama ng kahihiyan kapag pinatototohanan mo ang iyong sarili at nais na ipagpatuloy ito, hindi sumusuko hanggang makamit mo ang iyong layon, ang kalikasan nito ay naiiba—isa kang anticristo.

Ang mga pamamaraan at pagpapamalas na tinataglay ng mga anticristo para sa pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay sari-sari. May kinalaman ang ilan sa mga anticristong direktang itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili, at nagsasalita ng tungkol sa lahat ng kanilang natatanging katangian, habang ang iba naman ay may kinalaman sa paghahanap nila ng mga paraan na gamitin ang di-direktang pananalita o kaparaanan para palihim na gawing mataas ang tingin sa kanila ng mga tao at makamit ang kanilang layon na patingalain, pasambahin, at pasunurin ang mga tao sa kanila, at okupahin pa ang isang puwang sa puso ng mga tao—ito ang kalikasan ng gayong pag-uugali. Ang disposisyon ng mga anticristong pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay naiiba sa mga pangkaraniwang tao pagdating sa kalikasan nito, sa mga nagiging resulta nito, pati na rin sa mga paraan ng pagpapamalas nito, at ang pinagbabatayan nitong mga layunin at mithiin. Higit pa rito, ang mga tao bang itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili ay bastang nagsasalita lang tungkol sa lahat ng kanilang natatanging katangian? Minsan, nagsasalita rin sila tungkol sa kanilang mga kapintasan, ngunit totoo bang sinusuri at sinisikap nilang makilala ang kanilang sarili kapag ginagawa nila ito? (Hindi.) Kung gayon, paano matutuklasan ng isang tao na hindi totoo ang kanyang kaalaman sa sarili, at na sa halip ito ay di-dalisay at may layon sa likod nito? Paano lubusang mauunawaan ng isang tao ang usaping ito? Ang tinutumbok dito ay na kaalinsabay ng kanilang pagsisikap na makilala nila ang kanilang sarili at isiwalat ang kanilang mga kahinaan, kapintasan, kakulangan, at tiwaling disposisyon, naghahanap din sila ng mga palusot at dahilan upang ipawalang-sala nila ang kanilang sarili sa pagkakasala. Palihim nilang sinasabi sa mga tao, “Nagkakamali ang lahat, hindi lang ako. Nagkakamali rin kayong lahat. Mapapatawad ang pagkakamaling nagawa ko; isa itong maliit na pagkakamali. Kung nagawa ninyo ang kaparehong pagkakamaling ito, magiging labis na mas malubhang kaso ito kaysa sa akin, dahil hindi ninyo pinagninilayan o sinusuri ang inyong sarili. Bagaman nagkakamali ako, mas magaling ako kaysa sa inyo at mas may pagkamakatwiran at integridad.” Kapag narinig ito ng lahat, iniisip nila, “Tama ka. Labis-labis mong nauunawaan ang katotohanan, at talagang nagtataglay ka ng tayog. Kapag nagkakamali ka, nagagawa mong pagnilayan at suriin ang iyong sarili; labis kang mas magaling kaysa sa amin. Kung nagkakamali kami, hindi kami nagninilay o nagsisikap na makilala ang aming sarili, at dahil sa takot na mapahiya, hindi kami nangangahas na suriin ang aming sarili. Mayroon kang mas malaking tayog at tapang kaysa sa amin.” Nagkamali ang mga tao na ito subalit nakuha pa rin nila ang tiwala ng iba at pinapupurihan sila—anong disposisyon ito? Labis na bihasa ang ilang anticristo sa pagpapanggap, pandaraya sa mga tao, at pagkukunwari. Kapag nakakatagpo nila ang mga tao na nakauunawa ng katotohanan, nagsisimula silang magsalita tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, at sinasabi ring isang diyablo sila at si Satanas, na masama ang kanilang pagkatao, at na nararapat silang isumpa. Ipagpalagay na itatanong mo sa kanila, “Yamang sinasabi mong isa kang diyablo at Satanas, anong masasamang gawa ang ginawa mo?” Sasabihin nilang: “Wala akong ginawa, ngunit isa akong diyablo. At hindi lang ako diyablo, ako rin si Satanas!” Pagkatapos tatanungin mo sila, “Yamang sinasabi mong isa kang diyablo at Satanas, aling masasamang gawa ng isang diyablo at Satanas ang ginawa mo, at paano mo nilabanan ang Diyos? Masasabi mo ba ang katotohanan tungkol sa masasamang bagay na ginawa mo?” Sasabihin nilang: “Wala akong ginawang anumang masama!” Pagkatapos ay higit mo pang ididiin at itatanong, “Kung wala kang ginawang anumang masama, bakit mo sinasabing isa kang diyablo at Satanas? Ano ang sinisikap mong makamit sa pagsasabi nito?” Kapag naging seryoso ka sa kanila nang tulad nito, wala silang masasabi. Sa totoo lang, nakagawa sila ng maraming masasamang bagay, ngunit hindi nila lubos na ibabahagi sa iyo ang mga katotohanan tungkol dito. Magsasalita lang sila ng ilang kabulastugan at maglilitanya ng ilang doktrina para mangusap ng kanilang kaalaman sa sarili sa isang hungkag na paraan. Pagdating sa kung paano nila partikular na nahikayat ang mga tao, dinaya ang mga tao, ginamit ang mga tao base sa kanilang damdamin, nabigong seryosohin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, lumaban sa mga pagsasaayos ng gawain, dinaya ang Itaas, inilihim ang mga bagay-bagay sa mga kapatid, at kung gaano nila napinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi sila magsasabi ng kahit isang salita tungkol sa mga katotohanang ito. Isa ba itong tunay na kaalaman sa sarili? (Hindi.) Sa pagsasabing sila ay isang diyablo at Satanas, hindi ba sila nagkukunwaring sila ay may kaalaman sa sarili para itaas at patotohanan ang kanilang sarili? Hindi ba ito isang kaparaanan na ginagamit nila? (Oo.) Hindi mauunawaan ng isang pangkaraniwang tao ang kaparaanang ito. Kapag tinanggal ang ilang lider, sila ay muling nahahalal kaagad pagkatapos, at kapag tinanong mo ang dahilan para rito, sinasabi ng ilang tao: “Mahusay ang kakayahan ng lider na iyon. Alam niyang isa siyang diyablo at Satanas. Sino pa ba ang may gayong antas ng kaalaman? Ang mga tao lang na talagang naghahangad ng katotohanan ang nagtataglay ng kaalamang iyon. Walang sinuman sa atin ang magagawang makamit ang kaalamang iyon tungkol sa ating sarili; walang ganoong tayog ang pangkaraniwang tao. Dahil dito, muli siyang pinili ng lahat.” Ano ang nangyayari rito? Inilihis ang mga taong ito. Alam ng lider na ito na isa siyang diyablo at Satanas ngunit pinili pa rin siya ng lahat, kaya anong epekto at kahihinatnan nito sa mga tao sa kanyang pagsasabing siya ay isang diyablo at Satanas? (Nagagawa nitong pataasin ang tingin ng mga tao sa kanya.) Tama iyon, nagagawa nitong mas pataasin ang tingin ng mga tao sa kanya. Tinatawag ng mga hindi mananampalataya ang kaparaanang ito na “aatras para sumulong.” Nangangahulugan ito na para maging mas mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, nagsasabi muna siya ng masasamang bagay tungkol sa kanyang sarili upang maniwala ang iba na kaya niyang buksan at kilalanin ang kanyang sarili, na mayroon siyang lalim at kabatiran, at isang malalim na pang-unawa, at dahil dito, mas sinasamba siya ng lahat. At ano ang resulta ng mas sinasamba siya ng lahat? Kapag oras na muli na pumili ng mga lider, itinuturing pa rin siyang perpektong tao para sa papel na ito. Hindi ba’t sadyang magaling ang kaparaanang ito? Kung hindi siya nagsalita tungkol sa kanyang kaalaman sa sarili nang tulad nito at hindi niya sinabing isa siyang diyablo at Satanas, at sa halip ay negatibo lang, nang makita ito ng iba, sasabihin nila, “Sa sandaling tinanggal ka at nawalan ka ng katayuan, naging negatibo ka na. Tinuturuan mo kami dati na huwag maging negatibo, at ngayon ang pagiging negatibo mo ay mas malubha pa kaysa sa amin. Hindi ka namin pipiliin.” Walang sinumang magiging mataas ang tingin sa lider na ito. Bagaman wala pa ring pagkilatis sa kanya ang lahat, kahit paano ay hindi nila pipiliin siyang maging lider muli, at hindi makakamit ng taong ito ang kanyang layong gawing mataas ang tingin ng iba sa kanya. Ngunit pinangunahan na ng lider na ito, sinasabing: “Isa akong diyablo at Satanas; maaaring isumpa ako ng Diyos at ipadala ako sa ikalabing-walong antas ng impiyerno at hindi ako pahintulutang muling magkatawang-tao sa buong kawalang-hanggan!” Naaawa ang ilang tao sa kanya kapag naririnig ito at sasabihing: “Labis na nagdusa ang aming lider. O, inagrabyado siya! Kung hindi siya pahihintulutan ng Diyos na maging isang lider, ihahalal namin siya.” Sinusuportahan ng lahat nang labis ang lider na ito, kaya hindi ba sila inilihis? Ang orihinal na layon ng kanyang mga salita ay nakumpirma na, pinatutunayang tunay ngang inililihis niya ang mga tao sa ganitong paraan. Paminsan-minsang inililihis ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili nito, at paminsan-minsan ay kaya nitong aminin ang mga pagkakamali nito sa pasikot-sikot na paraan kapag wala na itong ibang pagpipilian, ngunit pagkukunwari ang lahat ng ito, at ang layon nito ay makamit ang simpatya at pang-unawa ng mga tao. Sasabihin pa nga nito, “Walang sinumang perpekto. May mga tiwaling disposisyon ang lahat at nagkakamali ang lahat. Hangga’t kayang itama ng isang tao ang kanyang mga pagkakamali, mabuting tao siya.” Kapag naririnig ito ng mga tao, pakiramdam nila ay tama ito, at patuloy na sumasamba at sumusunod kay Satanas. Ang kaparaanan ni Satanas ay ang maagap na pagkilala sa mga pagkakamali nito, at palihim na pinupuri ang sarili nito at itinataas ang posisyon nito sa puso ng mga tao, para tanggapin ng mga tao ang lahat tungkol dito—kahit ang mga kamalian nito—at pagkatapos ay patawarin ang mga kamaliang ito, unti-unting kalimutan ang mga ito, at sa kalaunan ay ganap na tanggapin si Satanas, nagiging tapat dito hanggang kamatayan, hinding-hindi iiwan o tatalikuran ito, at sinusundan ito hanggang sa dulo. Hindi ba’t ito ang kaparaanan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay? Ganito kumikilos si Satanas, at ginagamit din ng mga anticristo ang ganitong uri ng kaparaanan kapag kumikilos sila para tuparin ang kanilang mga ambisyon at layon na pasambahin at pasunurin sa kanila ang mga tao. Ang mga kahihinatnan nito ay magkapareho, at hindi masyadong naiiba sa kahihinatnan ng paglilihis at pagtitiwali ni Satanas sa mga tao.

Kapag nagsasalita ang ilang tao sa kanilang kaalaman sa sarili, inilalarawan nila ang kanilang sarili bilang gulung-gulo at walang silbi, sinasabi pa na sila ay isang diyablo at Satanas, na marapat sa kanila ang isumpa, at na hindi sila magrereklamo kung palalayasin sila ng Diyos. Gayunman, walang tunay na pang-unawa sa kanilang kalikasang diwa o sa kanilang mga tiwaling disposisyon ang mga taong ito, at hindi nila maibabahagi ang anumang tungkol sa kanilang tunay na kalagayan. Sa halip, sinisikap nilang gumamit ng pagkukunwari para ilihis ang iba, at gamitin ang kaparaanan at teknik ng maagap na kinikilala ang kanilang mga kamalian at “aatras para sumulong” upang bulagin at dayain ang mga tao, at pagkatapos ay gawing maganda ang opinyon sa kanila ng mga tao. Ito ang pagsasagawa ng mga anticristo. Sa susunod na makatatagpo kayo ng isang taong tulad nito, paano ninyo siya itatrato? (Usisain ang mga detalye.) Tama iyon, dapat mong matutuhang imbestigahan ang isyu at usisain ang mga detalye. At gaano kalalim ka dapat mag-imbestiga? Gawin mo ito hanggang magmakaawa sila at sasabihing, “Hindi ko na kayo kailanman muling ililihis. Kahit pa piliin ninyo ako na maging inyong lider, hindi ko kukunin ang papel na iyon.” Sabihin mo sa kanila, “Hinding-hindi mo na kami muling maililihis o pipiliin kang maging aming lider, kaya itigil mo ang pangangarap!” Ano sa palagay mo? Ang lahat ng mga nagsasalita sa isang labis-labis na paraan tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, at isinusumpa pa ang kanilang sarili, nang walang alinman dito ang tila totoo, ay mga huwad ang pagka-espirituwal at mapagpaimbabaw na tao, at mapanlihis ang lahat ng kanilang mga salita. May isang katangian at kaunting detalye sa pananalita ang gayong mga tao na dapat mong makilatis. Halimbawa, sabihin mo sa Akin, kung hiniling sa isang tao na sumulat ng isang panunumpa para sa pag-iingat ng mga alay, ano ang dapat sabihin sa unang pangungusap ng panunumpa? Ano ang isusulat ng isang tao na may pagkamakatwiran at pagkatao? Anong tono at pananalita ang gagamitin niya para tumayo sa kanyang wastong posisyon at maipaalam ang kanyang saloobin? Kapag nagsasalita ang mga ordinaryong tao, nararamdaman ng lahat na normal silang nagsasalita, ngunit ang ambisyosong uri ng masasamang tao o mga anticristo ay may partikular na tono kapag nagsasalita sila na kakaiba kaysa sa karaniwang tao. Halimbawa, sinasabi nilang: “Kung ako, si Kuwan, ay nagdispalko ng isang sentimo ng mga alay sa Diyos, hayaan mo akong mamatay ng isang miserableng kamatayan—hayaan mo akong masagasaan ng sasakyan!” Anong uri ng tono ito? Nagsisimula sila sa salitang “Ako,” ginagamit ang pinakamataas na tono—ang motibasyon sa likod ng kanilang tono at paraan ng pagsasalita ay mapagmamasdan sa mga literal na salitang kanilang ginagamit. “Ako” ang unang salita—ginagamit nila ang pinakamataas na tono, at napakatinis—hindi ba’t isa itong mapagmataas na panunumpa? Anong tawag sa ganitong uri ng panunumpa? Tinatawag itong mapagmataas at mapagpaimbabaw. Ang pagsusulat ng isang panunumpa nang may gayong pagkaagresibo—anong uri ng disposisyon ito? Isa itong panunumpa, kaya kanino ka manunumpa? Manunumpa ka sa Diyos, kaya paano dapat magsalita ang isang normal na tao sa kasong ito? Dapat siyang magsalita sa isang mapagpakumbabang paraan, tumayo sa kanyang wastong posisyon, magdasal sa Diyos, at magsalita mula sa puso. Hindi siya dapat gumamit ng mapagmataas na salita o maging agresibo. Masyadong agresibo ang gayong mga tao kahit pa kapag gumagawa ng isang panunumpa—masyadong malubha ang kanilang mga satanikong disposisyon! Mahirap sabihin kung tama man o mali ang kanilang panunumpa. Ang ibig nilang sabihin ay: “Wala kang tiwala sa akin? Natatakot kang pinagsasamantalahan ko ang sambahayan ng Diyos, na nagnanakaw ako ng mga alay? Ginagamit mo ako ngunit wala kang tiwala sa akin, at hinihiling mo sa akin na manumpa—manunumpa ako, manood ka at tingnan kung mangangahas akong manumpa! Hindi ako naniniwalang magagawa ko ang isang bagay na tulad niyon.” Anong uri ng saloobin ito? Ito ay pagkaagresibo at pagkawalang konsensiya. Mayroon pa silang kapangahasan na mag-ingay laban sa Diyos, at gamitin ang isang panunumpa para ipawalang-sala ang kanilang sarili at ilihis ang mga tao. Ito ba ang may takot sa Diyos? Walang pagkamaka-Diyos sa ganito. Ang ganitong uri ng tao ay si Satanas at isang anticristo; ganito magsalita ang mga anticristo. Nanunumpa na may mga nakatagong tono ng pag-iingay—anong uri ng disposisyon ito? Maililigtas pa ba ang ganitong uri ng tao? May nakilala na ba kayong ganitong uri ng tao dati? Hindi ninyo alam kung paano kikilatisin ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, o disposisyong ito na ipinakikita nila, hindi ba? Naniniwala pa nga ang ilang tao na ang ganitong uri ng tao ay matino, nagtataglay ng espirituwal na pang-unawa, matapat, at tapat sa Diyos. Hindi ba ito kahangalan? Hindi ba ito kawalan ng pagkilatis? Ang napakasamang pag-uugali at disposisyong ito ay makikita sa literal na mga salita at sa pananalita ng kanilang panunumpa, ngunit iniisip pa rin ng mga tao na sadyang mabuti ang anticristong ito. Nauunawaan ba ng mga tao na ito ang katotohanan? Tila mga doktrina lang ang nauunawaan ninyo, na kaya lang ninyo pag-usapan ang tungkol sa mga doktrina at magsalita ng mga hungkag na salita, at na kayo ay hindi nakakikilatis pagdating sa mga tiyak na usapin at isyu. Sa hinaharap, kung makatatagpo kayo ng ganitong mga uri ng usapin, magiging mapagkilatis ba kayo? (Oo, gagawin namin.) Mga hayop ang mga taong sumusulat ng gayong mga panunumpa at lahat sila ay walang pagkatao. Nakita na ba ninyo ang ganitong uri ng panunumpa dati? Nakapagsulat na ba kayo ng panunumpang tulad nito dati? (Oo.) May kaparehong tono at kaparehong pambungad ba ito tulad nito? (Hindi ito kasing-direkta.) Pareho ba ang kalikasan nito? (Oo.) Magkapareho ang kalikasan nito. Ang panunumpa ay hindi tulad ng pagpasok sa isang pook ng labanan, na nangangailangan ng isang espiritu ng magiting na pagsasakripisyo ng sarili. Hindi nito kinakailangan ang ganoong uri ng espiritu. Kapag nanumpa ka sa Diyos, dapat na lubusan mo itong pag-isipan, at unawain kung bakit mo kailangang isulat ang panunumpang ito, at kung kanino ka nanunumpa at gumagawa ng pangakong ito. Ang nais ng Diyos ay ang saloobin ng isang tao, hindi isang uri ng espiritu. Agresibo ang espiritu mong iyan at maingay ito; pagpapamalas ito ng mayabang na disposisyon ni Satanas. Hindi ito maka-Diyos at hindi isang pagpapamalas na dapat mayroon ang mga nilikha, lalong hindi ito isang posisyon na dapat akuin ng mga nilikha. Hindi ba naimpluwensiyahan ng pambansang kabayanihan ang mga tao na nagpapakita ng pagpapamalas na ito? Nauugnay ba ito rito? Nalason na ang mga tao nang masyadong malalim—sa sandaling isulat nila ang isang panunumpa o pangako, iniisip nila ang lahat ng mga sikat na tao sa paglipas ng panahon na naging tapat sa kanilang mga bansa at mga kababayan. Bahagi ng barkadahan ni Satanas ang mga sikat na tao na iyon, at kumilos sila sa walang konsensiyang paraan para itangi ang kanilang sarili at magpatotoo sa kanilang sarili, at para okupahin ang isang lugar sa mga puso ng mga tao at mag-iwan ng isang mabuting reputasyon para sa kanilang sarili upang maalala sila sa kasaysayan at magkaroon ng mabuting pangalan na magtatagal sa kawalang-hanggan. Pagkakaroon ng bulag na debosyon sa kanilang mga bansa ang tingin dito ng mga sumunod na henerasyon; sa tingin mo ba ay tunay silang bulag? Ano ba talaga ang pagiging bulag na ito? Ito ang pinakataksil at buktot na pagsasagawa, at may personal na layon sa loob nito. Hindi ito pagiging bulag, at tiyak na hindi ito debosyon—kabuktutan ito.

Nakapagpatupad na tayo ng maraming pagbabahaginan sa paksa ng mga anticristo na pinatototohanan ang kanilang sarili. May iba pa bang mga isyung nauukol sa paksang ito na hindi pa rin ninyo lubusang nauunawaan? Pinatototohanan ng ilang tao ang kanilang sarili gamit ang wika, at nangungusap ng ilang salita na nagpapasikat sa kanila, habang ang ibang tao naman ay gumagamit ng mga pag-uugali. Ano ang mga pagpapamalas ng isang tao na gumagamit ng mga pag-uugali para patotohanan ang kanyang sarili? Sa panlabas, nakikibahagi siya sa ilang pag-uugaling naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, na tumatawag sa pansin ng mga tao, at na nakikita ng mga tao bilang sadyang marangal at medyo naaayon sa mga moral na pamantayan. Ang mga pag-uugaling ito ang nagpapaisip sa mga tao na marangal sila, na mayroon silang integridad, na talagang mahal nila ang Diyos, na napakamaka-Diyos nila, at talagang nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at na sila ay mga tao na naghahangad sa katotohanan. Madalas silang nagpapakita ng ilang mabubuting pag-uugali sa panlabas para ilihis ang mga tao—hindi ba’t nangangamoy din ito ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kadalasan, itinataas at pinatototohanan ng mga tao ang kanilang sarili gamit ang mga salita, gumagamit ng malinaw na pananalita para ipahayag kung paano sila naiiba mula sa mga masa at kung paanong may mas matatalinong opinyon sila kaysa sa iba, upang gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanila at tingalain sila. Gayuman, may ilang kaparaanan na hindi kinapapalooban ng tahasang pananalita, kung saan ang mga tao sa halip ay gumagamit ng mga panlabas na pagsasagawa para patotohanang mas magaling sila kaysa sa iba. Pinag-isipang mabuti ang ganitong mga uri ng pagsasagawa, dinadala ng mga ito ang isang motibo at isang tiyak na layon, at sadya ang mga ito. Nabalot at naproseso ang mga ito para ang makikita ng mga tao ay ilang pag-uugali at pagsasagawa na nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, na marangal, maka-Diyos, at umaayon sa malasantong pagiging disente, at na nagmamahal pa nga sa Diyos, may takot sa Diyos, at nakaayon sa katotohanan. Nakakamtan nito ang kaparehong layon ng itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili at nagagawang mataas ang tingin ng mga tao sa kanila at sinasamba sila. Nakatagpo o nakakita na ba kayo ng gayong bagay? Nagtataglay ba kayo ng ganitong mga pagpapamalas? Hiwalay ba sa totoong buhay ang mga bagay na ito at ang paksang ito na tinatalakay Ko? Sa totoo lang, hindi hiwalay ang mga ito. Magbibigay Ako ng isang napakasimpleng halimbawa. Kapag ginagawa ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin, tila ba lubhang abala sila sa panlabas; sadya silang nagpapatuloy sa paggawa sa mga oras na kumakain o natutulog ang iba, at kapag nagsimula nang gawin ng iba ang kanilang mga tungkulin, kakain o matutulog naman sila. Anong layon nila sa paggawa nito? Nais nilang makatawag ng pansin at ipakita sa lahat na masyado silang abala sa paggawa ng kanilang mga tungkulin na wala na silang panahong kumain o matulog. Iniisip nilang: “Wala talaga kayong dinadalang pasanin. Bakit napakaagap ninyo sa pagkain at pagtulog? Kayong mga walang silbi! Tingnan ninyo ako, nagtatrabaho ako habang lahat kayo ay kumakain, at nagtatrabaho pa rin ako sa gabi kapag tulog na kayo. Makakayanan ba ninyong magdusa nang tulad nito? Kaya kong pagtiisan ang pagdurusang ito; gumagawa ako ng halimbawa sa pag-uugali ko.” Anong tingin ninyo sa ganitong uri ng pag-uugali at pagpapamalas? Hindi ba sinasadyang gawin ito ng mga tao na ito? Sinasadyang gawin ng ilang tao ang mga bagay na ito, at anong uri ng pag-uugali ito? Nais ng mga tao na ito na maging mga di-umaayon; nais nilang maging iba kaysa sa mga masa at ipakita sa mga tao na abala silang ginagawa ang kanilang mga tungkulin buong gabi, na lubos nilang napagtitiisan ang pagdurusa. Sa ganitong paraan, labis na maaawa sa kanila ang lahat at magpapakita ng partikular na simpatya sa kanila, iniisip na mayroon silang mabigat na pasanin sa kanilang mga balikat, na umaabot hanggang sa leeg na nila ang trabaho at masyadong abala para kumain o matulog. At kung hindi sila maililigtas, magsusumamo sa Diyos ang lahat para sa kanila, makikiusap sa Diyos para sa kanila, at magdarasal para sa kanila. Sa paggawa nito, ginagamit ng mga tao na ito ang mabubuting pag-uugali at pagsasagawa na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, tulad ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga, para dayain ang ibang tao at mapanlinlang na makuha ang kanilang simpatya at papuri. At ano ang pangwakas na resulta nito? Ang lahat ng nagkaroon ng ugnayan sa kanila at nakita silang nagbabayad ng halaga ay magsasabing lahat sa iisang boses: “Ang aming lider ang pinaka-may kakayahan, ang pinakakayang pagtiisan ang pagdurusa at ang pagbabayad ng halaga!” Hindi ba nila nakamtan ang kanilang layon ng panlilihis sa mga tao? Pagkatapos, isang araw, sabi ng sambahayan ng Diyos, “Hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang lider ninyo. Ginagawa niyang abala ang kanyang sarili at gumagawa nang walang layon; kumikilos siya nang walang-ingat at siya ay di-makatwiran at mapagdikta. Nagulo niya ang gawain ng iglesia, hindi niya nagawa ang anuman sa mga gawaing dapat niyang gawin, hindi niya nagampanan ang gawain ng ebanghelyo o ang gawain ng produksyon ng pelikula, at nasa kaguluhan din ang buhay iglesia. Hindi nauunawaan ng mga kapatid ang katotohanan, wala silang buhay pagpasok, at hindi sila makasulat ng mga artikulo ng patotoo. Ang pinakakaawa-awang bagay ay na hindi man lang nila makilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Masyadong walang kakayahan ang ganitong uri ng lider; isa siyang huwad na lider na dapat tanggalin!” Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, magiging madali ba na tanggalin siya? Maaaring mahirap gawin ito. Yamang sinasang-ayunan at sinusuportahan siya ng lahat ng mga kapatid, kung may sinumang susubukang tanggalin ang lider na ito, magpoprotesta ang mga kapatid at makikiusap sa ang Itaas para mapanatili siya. Bakit magkakaroon ng gayong kalalabasan? Dahil gumagamit ng mabubuting pag-uugali sa panlabas ang huwad na lider at anticristong ito gaya ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga, pati na rin ang magagandang salita, para maantig, mabili, at mailihis ang mga tao. Sa sandaling nagamit na niya ang mga huwad na kaanyuang ito para ilihis ang mga tao, magsasalita ang lahat para sa kanya at hindi magagawang iwan siya. Malinaw na alam nilang hindi masyadong nakagawa ng aktuwal na gawain ang lider na ito, at na hindi nila nagabayan ang mga taong hinirang ng Diyos na maunawaan ang katotohanan at makamit ang buhay pagpasok, ngunit sinusuportahan pa rin siya ng mga tao na ito, sinasang-ayunan siya, at sumusunod sa kanya, ni wala man lang pakialam kung ang ibig sabihin nito ay hindi nila makakamit ang katotohanan at buhay. Higit pa rito, dahil nailihis sila ng lider na ito, sumasamba sa kanya ang lahat ng mga tao na ito, hindi tinatanggap ang sinumang lider maliban sa kanya, at ayaw na sa Diyos. Hindi ba nila tinatrato bilang Diyos ang lider na ito? Kung sasabihin ng sambahayan ng Diyos na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang tao na ito at na isa siyang huwad na lider at anticristo, magpoprotesta at maghihimagsik ang mga tao sa kanilang iglesia. Sabihin mo sa Akin, hanggang saan nailihis ng anticristong ito ang mga tao na iyon? Kung gawain ito ng Banal na Espiritu, bubuti lang ang kalagayan ng mga tao, at higit nilang mauunawaan ang katotohanan, magiging higit pang mapagpasakop sa Diyos, magkakaroon ng higit pang lugar para sa Diyos sa mga puso nila, at mas gagaling pa sa pagkilatis ng mga huwad na lider at anticristo. Mula sa pananaw na ito, ang sitwasyong kakatalakay lang natin ay tiyak na hindi gawain ng Banal na Espiritu—tanging ang mga anticristo at masasamang espiritu lang ang makapaglilihis sa mga tao nang gayon pagkatapos gumawa sa loob ng ilang panahon. Maraming tao ang nailihis at nakontrol ng mga anticristong ito, at sa mga puso nila, mayroon lang silang lugar para sa mga anticristo at walang lugar para sa Diyos. Ito ang huling resultang nakamtam ng mga anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng panlabas na mabubuting pag-uugali. Ginagamit nila ang panlabas na mabubuting pag-uugali na pagtitiis sa hirap at pagbabayad ng halaga para itaasat patotohanan ang kanilang sarili, na isa sa mga paraan na ginagamit ng mga anticristo para ilihis at kontrolin ang mga tao. Nakikita na ninyo ngayon nang malinaw ang usaping ito, hindi ba? Ginagamit ba ng anticristo ang panlabas na mabubuting pag-uugali ng pagtitiyaga sa hirap at pagbabayad sa halaga para ilihis ang mga taong hindi masyadong tuso at mapaglalang? At hindi ba ginagawa rin ninyo ito paminsan-minsan? Umiinom ng kape ang ilang tao para sumigla sa gabi bilang paghahanda sa pagpupuyat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Nag-aalala ang mga kapatid sa kanilang kalusugan at nagluluto ng sabaw ng manok para sa kanila. Kapag naubos na nila ang sabaw, sinasabi ng mga tao na ito, “Salamat sa Diyos! Natamasa ko ang biyaya ng Diyos. Hindi ito marapat sa akin. Ngayong naubos ko na ang sabaw ng manok na ito, dapat akong maging mas mahusay sa paggawa ng aking mga tungkulin!” Sa realidad, ipinagpapatuloy nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa kaparehong paraan na kadalasan nilang ginagawa, nang hindi man lang itinataas ang kanilang kahusayan. Hindi ba’t sila ay nagpapanggap? Nagpapanggap sila, at ang uri ng pag-uugali na ito ay palihim ding itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili; ang kalalabasang nakakamtan nito ay para sang-ayunan sila ng mga tao, mataas ang tingin sa kanila, at maging masugid na tagasunod nila. Kung may ganitong uri ng pag-iisip ang mga tao, hindi ba’t nakalimutan nila ang Diyos? Wala na sa mga puso nila ang Diyos, kaya sino ang iniisip nila gabi’t araw? Ito ay ang kanilang “mabuting lider,” ang kanilang “sinisinta.” Napakamapagmahal ng ilang anticristo sa karamihan ng mga tao sa panlabas, at gumagamit sila ng mga pamamaraan kapag nagsasalita sila, para makita ng mga tao na mapagmahal sila, at gugustuhing mapalapit sa kanila. Ngumingiti sila sa sinumang mapalapit sa kanila at nakikipag-ugnayan sa kanila, at nakikipag-usap sila sa gayong mga tao nang may napakabanayad na tono. Kahit na nakikita pa nila ang ilang mga kapatid na naging di-maprinsipyo sa kanilang mga kilos, at dahil doon ay napinsala ang mga interes ng iglesia, hindi nila pinupungusan ang mga kapatid na ito kahit katiting, hinihimok lang sila at inaaliw sila, at sinusuyo sila habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin—sinusuyo nila nang sinusuyo ang mga tao hanggang sa nadala na nila ang lahat sa harap nila. Unti-unting naaantig ang mga tao ng mga anticristong ito; sobrang sinasang-ayunan ng lahat ang kanilang mga mapagmahal na puso at tinatawag silang mga tao na nagmamahal sa Diyos. Sa kalaunan, sinasamba sila ng lahat at hinahangad ang kanilang pagbabahaginan sa bawat usapin, sinasabi nila sa mga anticristong ito ang lahat ng kanilang mga pinakakaibuturan na saloobin at damdamin, hanggang sa puntong hindi na man lang sila nagdarasal sa Diyos o naghahangad ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t nailihis ang mga taong ito ng mga anticristong ito? Isa pa ito sa ibang paraang ginagamit ng mga anticristo para ilihis ang mga tao. Kapag nakikibahagi kayo sa mga pag-uugali at pagsasagawang ito, o nagkikimkim ng mga layuning ito, nababatid ba ninyong may problema rito? At kapag nababatid mo na ito, mababago mo ba ang takbo ng iyong mga kilos? Kung mapagninilayan mo ang iyong sarili at makararamdam ng tunay na pagsisisi kapag nabatid mo at nasuri na may problema ang iyong pag-uugali, mga pagsasagawa, o mga layunin, pinatutunayan nitong naibaligtad mo na ang iyong takbo. Kung nababatid mo ang iyong mga problema ngunit hinahayaan lang ang mga ito at kumikilos ayon sa iyong mga sariling layon, nahuhulog ng palalim nang palalim hanggang sa makarating ka sa puntong hindi mo na magagawang palayain ang iyong sarili, kung gayon ay hindi mo binaligtad ang iyong daan at sinasadya mong itakda ang iyong sarili laban sa Diyos, itinataas at pinatototohanan ang iyong sarili, at naliligaw mula sa tunay na daan. Anong disposisyon ito? Disposiyon ito ng isang anticristo. Seryoso ba ito? (Oo.) Gaano kaseryoso ito? Ang kalalabasan ng isang tao na gumagamit ng higit pang mapaglalang at mapanlinlang na paraan, gumagamit ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga para ilihis ang mga tao, sinusubukang pasambahin at pasunurin ang mga tao sa kanya, ay kapareho ng isang tao na hayagang itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili—ito ay magkapareho ng kalikasan. Anumang paraan ang gamitin mo para itaas at patotohanan ang iyong sarili, malinaw man itong pananalita o ilang halatang mabubuting pag-uugali, magkakapareho ng kalikasan ang lahat ng ito. May kalidad na anticristo ito, at isang kalidad ng pakikipag-away sa Diyos tungkol sa kanyang mga taong hinirang. Anuman ang maging anyo ng iyong pagpapamalas o aling paraan ang iyong gamitin, hangga’t hindi nagbabago ang layon mo at magkapareho ang mga kahihinatnan, magkakapareho lahat ang kalikasan nito. Malinaw sa gayon na sobrang tuso ang mga anticristo at hindi minamahal o hinahangad ang katotohanan. Gayunman, sila ay may kakayahang gamitin ang pagtitiis sa hirap at pagbabayad ng halaga bilang isang paraan para ilihis ang mga tao—ito ang kabuktutan ng mga anticristo.

Nagsasalita ang ilang tao tungkol sa ilang mga kakatwang teorya at simbolikong argumento para isipin ng mga tao na sila ay intelektuwal at maraming kaalaman, at na napakalalim ng kanilang mga kilos, at nang sa gayon ay makamtan ang kanilang layon na pasambahin sa kanila ang mga tao. Ibig sabihin, palagi nilang nais na lumahok at magbigay ng kanilang opinyon sa lahat ng usapin, at kahit pa nakagawa na ng huling desisyon ang lahat, kung hindi sila nasisiyahan dito, maghuhumiyaw sila ng magagarbong ideya para magpasikat. Hindi ba ito isang paraan ng pagpupuri sa sarili at pagpapatotoo ng sarili? Sa ilang usapin, talagang napag-usapan na ng lahat ang mga bagay-bagay, sumangguni sa isa’t isa, natagpuan ang mga prinsipyo, at nagdesisyon sa planong pagkilos, ngunit hindi nila tinatanggap ang desisyon at hinahadlangan ang mga bagay-bagay sa isang hindi makatwirang paraan, sinasabing, “Hindi puwede iyan. Hindi pa ninyo ito komprehensibong isinaalang-alang. Bukod sa iilang aspektong napag-usapan natin, may naisip din akong isa pa.” Sa katunayan, isa lang kakatwang teorya ang naisip nilang aspekto; nagbubusisi lang sila nang walang kabuluhan. Lubos nilang nababatid na nagbubusisi lang sila nang walang kabuluhan at pinahihirap ang mga bagay-bagay para sa ibang tao, ngunit ginagawa pa rin nila ito. Ano ang layon nila rito? Ito ay para ipakita sa mga tao na naiiba sila, na mas matalino sila kaysa sa iba. Ang ibig nilang sabihin ay, “Ito ba ang antas ninyong lahat? Dapat kong ipakita sa inyo na nasa mas mataas na antas ako.” Kadalasang hindi nila pinapansin ang anumang sinasabi ng iba, ngunit sa sandaling may dumating na isang importanteng bagay, nagsisimula silang guluhin ang mga bagay-bagay. Anong tawag sa ganitong uri ng tao? Sa pangkaraniwan, tinatawag siyang mapamintas at isang itlog na bugok. Ano ang mga karaniwang pamamaraan ng isang mapamintas? Nasisiyahan siya sa paghuhumiyaw ng magagarbong ideya at pagsali sa ilang napakasama at balikong pagsasagawa. Kung hihilingin mo sa kanya na magprisinta ng tamang plano ng pagkilos, hindi niya magagawang makabuo nito, at kung hihilingin mo sa kanya na pangasiwaan ang isang seryosong bagay, hindi niya ito magagawa. Napakasasamang bagay lang ang ginagawa niya, at palagi niyang nais bigyan ng “sorpresa” ang mga tao at magpasikat ng kanyang mga abilidad. Ano na nga ba ang kasabihang iyon? “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para may isang bagay kang titingnan.” Nangangahulugan ito na palagi niyang nais magpakitang-gilas ng kanyang mga abilidad, at hindi alintana kung makapagpapakitang-gilas man siya nang maayos o hindi, nais niyang malaman ng mga tao na, “Mas natatangi ako kaysa sa inyo. Lahat kayo ay hindi mahusay, mga mortal lang kayo, mga ordinaryong tao. Ako ay pambihira at hindi pangkaraniwan. Ibabahagi ko ang aking mga ideya para isorpresa kayo at pagkatapos ay makikita ninyo kung nakahihigit man ako o hindi.” Hindi ba’t ginugulo nito ang mga bagay-bagay? Sinasadya niyang guluhin ang mga bagay-bagay. Anong uri ng pag-uugali ito? Nagdudulot siya ng mga pagkagambala at panggugulo. Ito ang ibig niyang sabihin: Hindi ko pa naipakikita kung gaano ako katalino sa usaping ito, kaya kahit pa kaninong mga interes ang napinsala at kahit pa kaninong mga pagsisikap ang nasayang, isasabotahe ko ito hanggang maniwala ang lahat na ako ay nakahihigit, may kakayahan, at mahusay. Saka ko lang hahayaang magpatuloy ang usaping ito nang walang hadlang. Umiiral ba ang masasamang taong tulad nito? Ginawa mo na ba ang mga ganitong uri ng bagay dati? (Oo. Minsan natapos nang talakayin ng iba ang isang usapin at nakakita ng angkop na plano, ngunit yamang hindi nila ipinagbigay-alam sa akin habang nasa proseso ng paggawa ng desisyon, sinadya kong maghanap ng mga kapintasan dito.) Noong ginawa mo ito, alam mo ba sa iyong puso kung tama o mali ito? Alam mo bang seryoso ang kalikasan ng problemang ito, na nagdudulot ito ng pagkagambala at panggugulo? (Hindi ko ito nabatid noong panahong iyon, ngunit sa pamamagitan ng malubhang pagpungos ng aking mga kapatid, at sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, nakita kong seryoso ang kalikasan ng problemang ito, na ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng iglesia, at isang uri ng satanikong pag-uugali.) Yamang nakilala mo kung gaano ito kaseryoso, kapag may nangyaring mga kagayang bagay sa iyo pagkatapos nito, nagawa mo bang magbago ng bahagya at magkaroon ng ilang pagpasok pagdating sa iyong pamamaraan? (Oo. Noong ibinunyag ko ang gayong mga kaisipan at ideya, batid ko na isa itong satanikong disposisyon, na hindi ko magagawa ang mga bagay sa ganoong paraan, at nagawa kong may kamalayang magdasal sa Diyos at maghimagsik laban sa mga di-tamang kaisipan at ideyang iyon.) Nagawa mong medyo magbago. Kapag mayroon kang gayong mga problema ng katiwalian, dapat mong hanapin ang katotohanan para resolbahin ang mga ito, pigilan ang iyong sarili, at magdasal sa Diyos. Kapag iniisip mong tinitingnan ka ng iba nang may paghamak, na hindi mataas ang tingin nila sa iyo o sineseryoso ka, at kaya nais mong magdulot ng pagkagambala, kapag may ganito kang saloobin, dapat nababatid mong hindi ito nagmumula sa normal na pagkatao kundi mula sa isang satanikong disposisyon, at na, kung magpapatuloy kang ganito, magkakaroon ng gulo, at malamang ay sasalungatin mo ang disposisyon ng Diyos. Dapat mo munang malaman kung paano pigilan ang iyong sarili, at pagkatapos ay pumunta sa harap ng Diyos para magdasal sa Kanya at baligtarin ang iyong takbo. Kapag namumuhay ang mga tao sa loob ng sarili nilang mga pag-iisip, sa loob ng kanilang mga tiwaling disposisyon, walang anuman sa ginagawa nila ang nakaayon sa katotohanan o magagawang matugunan ang Diyos; laban sa Diyos ang lahat ng ginagawa nila. Makikilala mo na ngayon ang katunayang ito, hindi ba? Palaging nagnanais na makipaglaban para sa katanyagan at kapakinabangan, at hindi nag-aalinlangang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia para magkamit ng reputasyon at katayuan, ay ang mga pinakahalatang pagpapamalas ng mga anticristo. Sa totoo lang, nagtataglay ng mga pagpapamalas na ito ang lahat ng tao, ngunit kung makikilala at kikilalanin mo ito, at pagkatapos ay babaligtarin ang iyong takbo, magkakaroon ng saloobin ng tunay na pagsisisi sa harap ng Diyos, at babaguhin ang iyong pamamaraan, mga pag-uugali, at mga disposisyon, isa kang tao na naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo kikilalanin ang mga totoong problema na ito, tiyak na wala kang pag-uugali ng pagsisisi, at hindi ka isang tao na naghahangad sa katotohanan. Kung magpupumilit kang tahakin ang landas ng isang anticristo, at sumunod sa landas na ito hanggang wakas, at iniisip mo pa ring hindi ito isang problema at ayaw magsisi, nagpupumilit na kumilos sa ganitong paraan at nakikipagpaligsahan sa mga manggagawa at lider para sa katanyagan at kapakinabangan, iginigiit na higit pang mapansin kaysa sa iba, nangingibabaw mula sa karamihan ng tao, at pagiging mas mahusay kaysa sa iba alinmang grupo ka naroroon, nasa gusot ka! Kung patuloy kang maghahangad ng reputasyon at katayuan at matigas ang ulong tumatangging magsisi, isa kang anticristo at nakatakdang parusahan sa huli. Walang epekto sa iyo ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at konsensiya at katwiran, at tiyak na makahaharap mo ang katapusan ng mga anticristo. Hindi ka maililigtas, at ikaw ay hinding-hindi matutubos! Kung matatamo man o hindi ng mga tao ang kaligtasan at makatatahak sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ay nakasalalay sa kung nagpapakita sila ng mga pagpapamalas ng tunay na pagsisisi pagkatapos makilala ang kanilang sarili, at ang saloobin nila sa kanilang pagharap sa katotohanan, pati na rin ang landas na kanilang pinipili. Kung hindi mo tatalikuran ang landas ng isang anticristo, at sa halip ay pinipili mong matugunan ang iyong sariling mga ambisyon at pagnanais, hayagang lumalaban sa katotohanan, at itinatakda ang iyong sarili laban sa Diyos, ikaw ay hinding-hindi matutubos. Kung hindi alam ng isang tao kung paanong matakot gaano pa man ang laki ng mga pagkakamali niya o kung gaano karaming masasamang gawa ang ginagawa niya, at hindi siya nakokonsensiya, at patuloy na nagdadahilan para sa sarili niya, nang hindi nakararamdam ng kahit kaunting pagsisisi, kung gayon ay tunay siyang anticristo at isang diyablo. Kung tinataglay lang ng isang tao ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, ngunit kaya niyang aminin ang kanyang mga pagkakamali, bumalik, at magkaroon ng pusong may pagsisisi, iba ang kalikasan nito kaysa sa mga anticristo at ganap na ibang usapin. Kaya, ang susi sa kung matatamo man o hindi ng isang tao ang kaligtasan ay nakasalalay sa kung kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili, kung mayroon siyang pusong may pagsisisi, at kung kaya niyang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan.

Ang ikaapat na aytem, ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili, ay isang palagiang diskarte ng mga anticristo. Nagagawa ninyong makilala ang mga halatang pamamaraan, diskarte, at estratehiya kung paano itinataas at pinatototohanan ng mga anticristo ang kanilang sarili, subalit makikilala ba ninyo ang mga mas natatagong pag-uugali at pagpapamalas? Pagdating sa mga halatang bagay tulad ng paggamit ng lengguwahe para sa pagtataas at pagpapatotoo sa sarili, ibinubunyag ninyo ang mga bagay na ito, nakita ninyo ang iba na ibinubunyag din ang mga ito, at makikilala ninyo ang mga ito. Subalit kung walang lengguwaheng ginagamit at mga pagpapamalas lang ng pag-uugali ang mayroon, makikilala pa rin ba ninyo ang mga ito? Masasabing hindi ito magagawa ng karamihan. Kung gayon, ano ang mga katangian ng pag-uugali kung saan itinataas at pinatototohanan ng mga anticristo ang kanilang sarili? Tiyak na naaayon ang pag-uugali nila sa mga kuru-kuro, imahinasyon, moralidad, konsensiya, at mga damdamin ng tao. Ano pa? (Nakukuha nito ang pagsang-ayon at pagsamba ng mga tao.) Nakukuha nito ang pagsang-ayon at pagsamba; ito ang nililikha nitong kinalabasan. Kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng kinalabasan, talagang may mapanlihis na kalidad ang pag-uugaling ito. Mula sa perspektiba ng kalikasan ng pagkilos na ito, may tiyak na layunin ito. Halimbawa, kapag nagkakasakit ang isang tao, kung gusto niyang ilihis ang mga tao at gawing mataas ang tingin sa kanya ng mga ito, iinumin ba niya ang gamot niya sa harap ng mga tao o kapag walang tao? (Sa harap ng mga tao.) Wala bang intensiyon sa likod nito? Ibig sabihin nito ay may tiyak siyang layunin. Ano ang talagang layunin niya sa pag-inom ng gamot nang ganito? Gusto niyang makakuha ng kredito sa paggawa nito, at sabihin sa iyo na: “Tingnan mo, nagkasakit ako sa sobrang pagod ko sa paggawa ng tungkulin ko, pero hindi pa rin ako nagreklamo o lumuha ni isang patak. Ginagamot ko ang karamdaman ko, subalit kaya ko pa ring ipagpatuloy ang tungkulin ko habang umiinom ako ng gamot.” Sa katunayan, hindi naman niya nakuha ang sakit na ito mula sa pagpapakapagod niya sa paggawa ng tungkulin niya o pagkatapos niyang manalig sa Diyos. Sinusubukan lang niyang gamitin ang lahat ng uri ng pag-uugali para magparating ng mensahe sa mga tao, na nagtitiis siya ng pagdurusa at nagbabayad ng halaga, na labis siyang nagdusa sa kapaligiran na ito subalit hindi siya nagreklamo ni isang beses, at napaka-aktibo pa ring ginagawa ang tungkulin niya, at na nagtataglay siya ng kaloobang nakapagtitiis ng pagdurusa. Ano ang di-tahasang sinasabi nito sa mga tao? Na hindi mapagdududahan ang katapatan niya sa Diyos. Gusto niyang ipahayag na tapat siya at handa siyang magbayad ng halaga. Hindi ba ito isang anyo ng palihim na pagtataas sa sarili? Kung mayroon siyang katwiran, hindi niya babanggitin ang bagay na ito, mananalangin siya sa Diyos kapag walang tao, ipinahahayag ang determinasyon niya at sinusubukang kilalanin ang sarili niya, o normal niya lang na iinumin ang gamot niya. Sa madaling salita, hindi niya gagamitin ang mga panlabas na pag-uugaling ito para sabihin sa mga tao na nagdurusa siya, na tapat niyang ginagawa ang kanyang mga tungkulin, at na dapat siyang gantimpalaan. Hindi niya kikimkimin ang mga layuning ito. Gayunpaman, kung kumikilos siya sa isang partikular na pasikat na paraan, gustong gawing mataas ang tingin sa kanya ng mga tao at purihin siya, may tiyak na layunin ito. At ano ang layunin niya? Ito ay para makamit ang resulta ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili niya sa pamamagitan ng mensaheng ipinararating niya sa mga tao. Kung tapat siya, malalaman ito ng Diyos, kaya’t bakit kailangan niya pang ipagyabang ang tungkol dito sa ibang tao at ipaalam ito sa lahat? Ano ang layon niya sa pagpapaalam ng tungkol dito sa lahat ng tao? Ito ay para gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya. Kung wala siya ng layon na ito, kikilos siya nang walang layunin, at hindi siya makikita ng iba na ginagawa ang mga bagay na ito. Kung may tiyak siyang layunin, susukatin niya ang lawak ng mga pagkilos niya, at gagawa siya ng eksena at pag-iisipan ang oras at lokasyon, hihintayin hanggang nariyan na ang lahat para hingin sa isang tao na dalhin sa kanya ang gamot niya, ipinaaalam ito nang hayagan at nang may kaingayan. May napakalinaw na layunin dito. Kung wala siya ng layuning ito, maghihintay siya hanggang sa wala nang sinuman ang nasa paligid para inumin ang gamot niya. Ang kahandaan mong magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga ay nauugnay sa iyong relasyon sa Diyos; hindi mo kailangang linawin at ipagbigay-alam ito sa iba. Kung lilinawin mo ito sa iba, ano ang maibibigay nila sa iyo? Bukod sa pagkuha ng kanilang simpatiya at papuri, mayroon ka pa bang ibang makukuha mula sa kanila? Wala, walang anumang bagay. Kapag nagtitiis ka ng kaunting pagdurusa at nagbabayad nang kaunting halaga sa pagganap ng iyong tungkulin, sa isang banda, ito ang mga bagay na dapat mong gawin at na handa kang gawin, at ginagawa mo ang sarili mong tungkulin. Sa isa pang banda, ang mga ito ay mga pagpapamalas na dapat mong ipakita sa Lumikha bilang isang nilikha, kaya’t bakit mo isasapubliko ang mga ito? Kapag isinasapubliko mo ang mga ito, nagiging kasuklam-suklam ang mga ito; ano ang nagiging kalikasan ng gayong pag-uugali? Ito ay nagiging pagtataas at pagpapatotoo sa sarili at panlilihis sa iba—nagbabago ang kalikasan. Halimbawa, may ilang tao na palaging nagkakamot ng anit nila sa harap ng iba, at kapag may nagtatanong sa kanila tungkol dito, sinasabi nilang: “Mahigit sampung araw ko nang hindi napaliguan ang ulo ko—sunod-sunod ang pakikipagpulong ko sa mga tumatanggap ng ebanghelyo. Noong isang araw sinubukan kong maglaan ng kaunting oras para paliguan ang ulo ko, subalit pagkatapos ay dumating ang isang potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo para mag-imbestiga, at hindi ako nakaalis.” Sa katunayan, sinasadya nilang hindi paliguan ang ulo nila para bigyan ang ibang tao ng impresyon na napakaabala nila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Tinatawag itong pagmamalaki ng sarili. Ano ang layunin nila sa pagmamalaki ng kanilang sarili? Ito ay para gawing mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at ang kalikasan ng pag-uugaling ito ay pagtataas at pagpapatotoo sa sarili. Kahit sa isang maliit na bagay na tulad nito, hindi nila ito pinalalampas, gusto pa rin nilang palakihin ang isyung ito, ginagawa itong isang uri ng mahalagang mapagkukunan na magagamit nila para makapagpakitang-gilas, matugunan ang mga ambisyon at pagnanais nila, at makamit ang layunin nilang mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao at sambahin sila ng mga ito. Hindi ba’t kahiya-hiya ito? Kahiya-hiya at kasuklam-suklam ito. Saan nanggagaling ang lahat ng bagay na ito? Nagmumula ang mga ito sa tiwaling disposisyon ni Satanas, kung saan may pagpapanggap, panlilinlang, kabuktutan, at mga ambisyon. Palaging iniisip ng mga ganitong tao ang tungkol sa kanilang imahe, katayuan, at reputasyon. Wala silang pinakakawalang anumang bagay, palagi silang naghahanap ng mga paraan para gawing kapital ang mga bagay na iyon, na maging mga mapagkukunan na magagamit nila para gawing mataas ang tingin sa kanila ng mga tao at sambahin sila ng mga ito. Sa huli, kapag nakakamit na nila ang kanilang layunin, umaasta silang parang wala silang pakialam dito. Isang uri din ito ng huwad na anyo, at sa panloob, palihim talaga silang nagdiriwang at nasisiyahan sa kanilang sarili. Hindi ba’t mas kasuklam-suklam pa nga ito? Malinaw na mayroon na silang napakataas na katayuan, na pinahahalagahan sila ng lahat, tinitingala sila, tumatalima sa kanila, at sinusunod sila, subalit sa panlabas, nagpapanggap pa rin silang ayaw nila ng katayuan. Mas mapagpaimbabaw pa ito. Sa huli, ang lahat ay nailihis nila, at sinasabing ipinanganak sila nang walang anumang ambisyon, na sila ay mga taong umaaksyon. Sa totoo lang, maaaring mabunyag ito ng isang maliit na pagsubok: Kung tinanggalan sila ng katayuan nila, agad silang titigil sa paggawa ng mga tungkulin nila. Magiging ganoon iyon kabilis; isang maliit na bagay ang magbubunyag sa mga ambisyon nila. Ito ang mga pag-uugali at pamamaraang inilalabas ng tiwaling disposisyon ni Satanas sa mga tao, pati na rin ang iba’t ibang pangit na kalagayan ng mga tao. Mula sa mga pagpapamalas na ito, makikitang gusto ng mga tao ng katayuan at gustong umokupa ng isang lugar sa puso ng iba. Gusto nilang angkinin ang puso ng iba, makuha ang suporta ng iba, at hikayatin ang iba na sambahin, tingalain, at sundin pa nga sila, sa gayon ay pinapalitan nila ang posisyon ng Diyos sa puso ng ibang tao. Isa itong pagnanais na taglay ng bawat tao mula kapanganakan. At ano ang pinatutunayan nito? Na, sa buhay ng mga tao, ang bagay na kumokontrol sa kanila ay ang disposisyon ni Satanas. Sa tiwaling sangkatauhan, wala ni isang tao ang ayaw sa katayuan—kahit ang mga hangal ay gustong maging mga opisyal, at maging ang may mapupurol na pag-iisip ay gustong pamahalaan ang iba. Gusto ng lahat ang katayuan, at ginagawa ng lahat ang mga bagay-bagay alang-alang sa katayuan, at nakikipagkumpitensya sa Diyos para sa katayuan. Ang bawat isa ay may ganitong uri ng pag-uugali at diskarte, pati na ng ganitong uri ng disposisyon. Kaya, kapag naglalantad tayo ng mga anticristo na nagtataas at nagpapatotoo sa sarili nila, inilalantad din natin ang mga tiwaling disposisyon ng bawat tao. Ano ang layunin ng paglalantad nito? Ito ay para maipaunawa sa mga tao na ang mga pag-uugali at pagpapamalas na ito ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay hindi dapat tinataglay ng normal na pagkatao, kundi sa halip ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at mga negatibo at kasuklam-suklam na bagay. Gaano man katalino ang mga paraan mo ng pagtataas at pagpapatotoo sa iyong sarili, at gaano man kapalihim ang iyong mga pagkilos, wala sa mga bagay na ito ang dapat na tinataglay ng normal na pagkatao, at ang lahat ng ito ay kinasusuklaman, kinokondena, at isinusumpa ng Diyos. Kaya, dapat isantabi ng mga tao ang mga pamamaraang ito. Ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay hindi likas na nilikha ng Diyos para sa tao—sa halip, isa ito sa mga pinakakaraniwang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at higit pa rito, isa ito sa pinakakaraniwan at tiyak na mga disposisyon at pamamaraan ng tiwaling diwa ni Satanas.

Nakatutulong ba sa inyo ang pagbabahaginan tungkol sa ilang partikular na halimbawa pagdating sa pag-unawa sa iba’t ibang pagpapamalas ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili, halata man o mas nakatago ang mga paraang ito ng pagsasalita at pagkilos? (Oo, nakatutulong ito.) Saan ito nakatutulong? Nakatutulong ito sa mga tao na makilatis ang sarili nila at ang iba. Ang mga kalagayan, pagpapamalas, at pagbubunyag na ito na binabanggit ko ay lahat ng bagay na madalas ninyong ipinakikita, at dapat ninyong iharap ang sarili ninyong mga kalagayan sa kanila para sa pagkukumpara, unawain kung ano talaga kayo, kung ano ang eksaktong buhay na inaasahan at sinasandigan ninyo para mabuhay, kung ano ang eksaktong nilalaman ng buhay na ito, kung ano ang eksaktong ipinagagawa ng mga disposisyong ito sa mga tao, at kung ano ang ipinasasabuhay ng mga ito sa mga tao. Sa pag-unawa sa mga partikular na pag-uugali, pagpapamalas, pamamaraan, at disposisyong ito, unti-unting mahihimay at makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, ang kanilang sariling diwa, at ang kanilang kalikasan na mapanlaban sa Diyos, at sa gayon ay bitiwan ang mga pamamaraang ito, lumapit sa harap ng Diyos at tunay na magbagong-buhay, at magsagawa nang alinsunod sa katotohanan at isabuhay ito. Sinasabi ng ilang tao na: “Dahil ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay isang pamamaraan na hindi naaayon sa katotohanan at na nabibilang kay Satanas at sa mga anticristo, kung hindi ako magsasabi o gagawa ng anumang bagay, hindi ba’t ibig sabihin niyon na hindi ako nagtataas o nagpapatotoo sa aking sarili?” Hindi ito tama. Kung gayon, anong paraan ng pagkilos ang hindi pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kung magpapakitang-gilas ka at magpapatotoo sa iyong sarili tungkol sa isang partikular na bagay, makakamit mo ang resulta na mapataas ang tingin sa iyo ng ilang tao at sambahin ka. Subalit kung inilalantad mo ang iyong sarili at ibinabahagi ang kaalaman mo sa sarili tungkol sa parehong bagay na iyon, iba ang kalikasan nito. Hindi ba’t totoo ito? Ang paglalantad sa sarili ng isang tao para pag-usapan ang tungkol sa kaalaman niya sa sarili ay isang bagay na dapat tinataglay ng ordinaryong pagkatao. Positibong bagay ito. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili at tama, tunay, at tumpak ang sinasabi mo tungkol sa iyong kalagayan; kung nagsasalita ka tungkol sa kaalaman na ganap na nakabatay sa mga salita ng Diyos; kung iyong mga nakikinig sa iyo ay napabubuti at nakikinabang dito; at kung nagpapatotoo ka sa gawain ng Diyos at niluluwalhati Siya, iyon ay pagpapatotoo sa Diyos. Kung, sa paglalantad mo sa iyong sarili, marami kang nababanggit tungkol sa iyong mga kalakasan, kung paano ka nagdusa, at nagbayad ng halaga, at nanatiling matatag sa iyong patotoo, at dahil dito, may mataas na opinyon sa iyo ang mga tao at sinasamba ka, pagpapatotoo ito sa iyong sarili. Kailangan mong masabi ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang pag-uugaling ito. Halimbawa, ang pagpapaliwanag kung gaano ka kahina at kanegatibo noong nahaharap ka sa mga pagsubok, at kung paanong, pagkatapos mong manalangin at hanapin ang katotohanan, sa wakas ay naunawaan mo na ang layunin ng Diyos, nagkaroon ng pananalig, at naging matatag sa iyong patotoo, ay pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos. Ito ay ganap na hindi pagpapakitang-gilas at pagpapatotoo sa iyong sarili. Samakatuwid, kung nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo ka man sa iyong sarili o hindi, higit sa lahat ay nakabatay sa kung nagsasalita ka ba tungkol sa iyong mga tunay na karanasan, at kung nakamit mo ba ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos; kailangan ding tingnan kung ano ang iyong mga layunin at mithiin kapag nagsasalita ka tungkol sa iyong patotoong batay sa karanasan. Sa paggawa nito ay mapapadali ang pagtukoy kung anong uri ng pag-uugali ang iyong ginagawa. Kung may tamang layunin ka kapag nagpapatotoo ka, kahit na may mataas na opinyon sa iyo at sumasamba sa iyo ang mga tao, hindi talaga problema iyon. Kung may maling layunin ka, kahit walang may mataas na tingin sa iyo o sumasamba sa iyo, problema pa rin ito—at kung ang mga tao ay may mataas na tingin sa iyo at sumasamba sa iyo, mas malaking problema iyon. Samakatuwid, hindi ka maaaring tumingin lang sa mga resulta para matukoy kung ang isang tao ay nagtataas at nagpapatotoo sa sarili niya. Dapat pangunahin mong tingnan ang layunin niya; nababatay sa mga layunin ang tamang paraan ng pagkilala sa dalawang pag-uugaling ito. Kung susubukin mo lang na kilatisin ito batay sa mga resulta, maaaring mali mong maaakusahan ang mabubuting tao. Nagbabahagi ang ilang tao ng partikular na tunay na patotoo, at ang iba naman ay nagkakaroon ng mataas na opinyon sa kanila at sinasamba sila—masasabi mo ba na nagpapatotoo ang mga taong iyon sa sarili nila? Hindi, hindi mo masasabi iyon. Walang problema sa mga taong iyon, ang patotoong ibinabahagi nila at ang tungkuling ginagawa nila ay kapaki-pakinabang sa iba, at ang mga hangal at mangmang na tao lang na may baluktot na pag-arok ang sumasamba sa ibang tao. Ang susi sa pagkilatis kung ang mga tao ay nagtataas at nagpapatotoo sa sarili nila o hindi ay ang pagtingin sa layunin ng nagsasalita. Kung ang layunin mo ay ang ipakita sa lahat kung paano nabunyag ang iyong katiwalian, at kung paano ka nagbago, at para makinabang ang iba mula rito, taimtim at totoo ang iyong mga salita, at naaayon sa mga katunayan. Tama ang gayong mga layunin, at hindi ka nagpapakitang-gilas o nagpapatotoo sa iyong sarili. Kung ang iyong layunin ay ang ipakita sa lahat na may mga tunay na karanasan ka, at na nagbago ka na at nagtataglay ng katotohanang realidad, para mapataas ang tingin nila sa iyo at sambahin ka nila, mali ang mga layuning ito. Iyon ay pagpapakitang-gilas at pagpapatotoo sa iyong sarili. Kung ang patotoong batay sa karanasan na binabanggit mo ay huwad, may halong kasinungalingan, at nilalayong linlangin ang mga tao, para pigilan silang makita ang tunay mong kalagayan, at para pigilang mabunyag sa iba ang mga layunin, katiwalian, kahinaan, o pagiging negatibo mo, kung gayon, mapanlinlang at mapanlihis ang gayong mga salita. Huwad na patotoo ito, panloloko ito sa Diyos at nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos, at pinakakinasusuklaman ito ng Diyos sa lahat. May mga malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng mga kalagayang ito, at lahat ng mga ito ay matutukoy batay sa layunin. Kung nakikilatis mo ang iba, makikita mo ang mga kalagayan nila, at pagkatapos ay makikilala mo rin ang sarili mo, at mauunawaan mo ang sarili mong mga kalagayan.

Pagkatapos pakinggan ang lahat ng sermong ito, may ilang tao na patuloy pa ring nagtataas at nagpapatotoo sa sarili nila tulad ng ginawa nila noon. Paano ninyo haharapin ang mga gayong tao? Maging mapagkilatis sa kanila, ilantad sila, at panatilihin ang inyong distansiya mula sa kanila. Kung may halaga ang mga salita nila bilang isang punto ng sanggunian, maaari ninyong tanggapin ang mga salitang iyon, subalit kung walang anumang halaga ang mga ito bilang sanggunian, dapat ninyong talikuran ang mga ito at huwag maimpluwensiyahan ng mga ito. Kung ang mga taong pinag-uusapan ay mga lider, ilantad ninyo sila, iulat sila, talikuran sila, at huwag tanggapin ang pamumuno nila. Sabihin ito: “Palagi mong pinatototohanan at itinataas ang iyong sarili, palagi mo kaming ginagawang manhid at kinokontrol kami, at nililihis mo kami. Lahat kami ay lalong napalayo sa Diyos, at wala man lang kaming Diyos sa aming puso—ikaw lang ang naroon. Ngayon ay maninindigan kami at talilikuran ka.” Dapat kumilos kayo nang ganito, dapat subaybayan ninyo ang isa’t isa, sinusubaybayan ang inyong sarili at ang iba. Hindi ba ninyo madalas na kinakamot ang anit ninyo sa harap ng iba, o sinabi sa mga tao na nilaktawan ninyo ang ilang pagkain gayong talagang kumakain kayo ng maraming meryenda sa likod nila? Kapag, kung minsan, hindi ito pinahihintulutan ng kapaligiran, normal lang sa mga tao na hindi maligo sa loob ng isang buwan, o laktawan ang pagsha-shower o laktawan ang paliligo ng buhok nila dahil masyado silang abala sa gawain. Mga karaniwang pangyayari ang lahat ng ito, at ang mga ito ang mga halagang dapat bayaran ng mga tao. Hindi malaking bagay ang mga ito—huwag nang palakihin ang isang maliit na bagay. Kung talagang pinalalaki ng isang tao ang mga gayong bagay kaysa sa kung ano talaga ang mga ito, sadyang kinakamot ang anit niya sa harap ng iba at sinasabing ilang araw na siyang hindi naliligo ng buhok niya, sadyang umiinom ng gamot sa harap ng iba, o nagpapanggap na sobrang pagod siya at nasa napakahinang pisikal na kondisyon, dapat manindigan ang lahat para ilantad siya at ipahayag ang pagkadismaya sa kanya. Sa ganitong paraan, mapipigilan ang walang kahihiyang taong ito. Mapagpaimbabaw siya, ipinagmamalaki niya ang sarili para makita ng ibang tao, at gayon pa man ay sinisikap niyang hikayatin ang mga tao na magpahayag ng pagsang-ayon sa pag-uugali niya, na tingnan siya nang may inggit, paghanga, at pagpapahalaga. Hindi ba niya niloloko ang mga tao? Ang mga pamamaraang ito ay katulad noong nagtangan ang mga Pariseo ng Banal na Kasulatan at nanalangin sa Diyos sa mga kanto. Wala silang pinagkaiba rito. Sa sandaling binanggit ng isang tao ang mga Pariseo na may hawak na Banal na Kasulatan at nakatayo sa mga kanto habang nagbabasa ng mga kasulatan o nananalangin, iniisip ng mga taong ito na, “Masyado iyong kahiya-hiya. Hindi ako gagawa ng ganoon.” Gayunpaman, sinasadya niyang uminom ng gamot o magkamot ng anit niya sa harap ng iba, hindi niya alam na ang ginagawa niya ay may katulad na kalikasan. Hindi niya ito nauunawaan. Sa pagtagal, kapag nakatagpo kayo ng mga gayong bagay, dapat matutuhan ninyong makilatis at mailantad ang mga ganitong tao, inilalantad ang lahat ng pagpapaimbabaw nila—sa gayon ay hindi sila mangangahas na kumilos sa gayong paraan. Dapat gipitin ninyo sila nang kaunti, at ipaisip sa kanila na ang gayong mga pamamaraan, pag-uugali, at disposisyon ay kahiya-hiya at labis na kinasusuklaman ng lahat. Kung labis silang kinasusuklaman ng mga tao, kinasusuklaman ba sila ng Diyos? Lalo pa silang kinasusuklaman ng Diyos. Likas kang wala. Sapat ka na ngang kaawa-awa, kahit hindi mo pa itinataas at pinatototohanan ang iyong sarili, kaya kung sobra ka na ngang kaawa-awa at itinataas at pinatototohanan mo pa rin ang iyong sarili, hindi ba’t magiging kasuklam-suklam ito sa mga tao? Hindi mo kailanman nagawa ang iyong tungkulin nang tapat, hindi ka kailanman kumilos nang may mga prinsipyo, at hindi mo pa natugunan ang mga hinihingi ng Diyos sa anumang aspekto. May problema ka na nga, kaya kung itinataas at pinatototohanan mo pa ang iyong sarili, hindi ba’t magiging mas mahirap ang mga bagay-bagay para sa iyo? Mas mapalalayo ka pa sa mga hinihingi ng Diyos, at higit pang mapalalayo mula sa pag-abot sa pamantayan para sa pagkamit ng kaligtasan.

Sabihin mo sa Akin, ano ang kalikasan ng problema ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Gayon kalala ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao; hindi ba’t hindi na normal ang pagkatao at katwiran nila? Nagpakita na ba kayo ng mga pagpapamalas ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ninyo sa pagganap ng inyong mga tungkulin? Sino ang makapagsasalita tungkol dito? (Nakapagpakita na ako ng gayong pagpapamalas. Kapag ginagampanan ko ang tungkulin ko hanggang hatinggabi, nagpapadala ako ng mensahe sa grupong nagtitipon para malaman ng iba na hindi pa rin ako natutulog sa ganitong oras, at para isipin nilang kaya kong magtiis ng hirap at magbayad ng halaga. Nagawa ko na ito mismo at madalas ko ring makita ang iba na ginagawa rin ito.) Mukhang marami ang gayong tao at wala sila sa minorya. Hindi ba’t hindi kinakailangan ang paggawa ng gayong bagay? Napakahangal nito! Sino pa ang may anumang gustong sabihin? (Nagpakita ako ng gayong pagpapamalas. Kapag nakikita ko na umiiral ang ilang problema sa gawain ng iglesia, sinisimulan kong lutasin ang mga ito, nagbibigay ng huwad na impresyon sa mga tao na ako ay napakasigasig, subalit kadalasan ay wala talaga akong ginagawang anuman pagkatapos magsalita. Hindi umuusad at hindi epektibo ang mga pagkilos ko, at sa huli ay hindi pa rin nalulutas ang problema, at naiiwang hindi pa rin naaayos ang usapin. Ginagamit ko ang paimbabaw na kasigasigan para lokohin ang mga tao at pagtakpan ang katunayang hindi ako nagsasagawa ng katotohanan.) Nagsasalita ka ng mga hungkag na salita, nagmamayabang, at hindi gumagawa ng anumang tunay na pagkilos. Hinahayaan mong makita ng mga tao ang iyong sigla, na parang nagsasagawa ka ng katotohanan, subalit pagdating ng oras para kumilos, hindi ka taimtim na nagsisimulang gawin ito at sumisigaw lang ng mga islogan. Sa huli, nagsisimula ka nang malakas at nagtatapos nang tahimik, iniiwang hindi kompleto ang gawain. Ang gayong pagpapamalas ay panlilihis din. At sa hinaharap, kapag may nangyaring katulad nito sa iyo, magiging mapagkilatis ka ba sa bagay na ito? (Ngayon ay medyo nakikilatis ko na ito kahit papaano.) Kung gayon may pakiramdam ka ba ng direksiyon? Kung mangyayari muli sa iyo ang gayong bagay, maaari mong sundin ang dalawang magkaibang hakbang: Ang unang hakbang ay ang paghuhusga kung talaga bang maaasikaso mo ang bagay na ito o hindi. Kung kaya mo, dapat mong gawin ito nang seryoso at praktikal. Ang ikalawang hakbang ay ang pagdarasal sa Diyos at paghiling sa Kanya na gabayan ka sa bagay na ito, at kapag kumilos ka, kailangan mo ring tanggapin ang pangangasiwa ng lahat habang kasabay nito ay maging determinadong makipagtulungan at magtrabaho kasama ang lahat para makompleto ang gawaing ito. Kung matututo kang gawin ang mga bagay-bagay nang sunud-sunod at magtrabaho sa isang praktikal na paraan, malulutas mo ang problemang ito. Kung palagi kang nagsasabi ng mga hungkag na salita, nagyayabang, nagsasalita nang walang pagpigil, paimbabaw na iniraraos ang mga bagay na ginagawa mo, at hindi ka talaga praktikal, mapanlinlang ka. Dahil nakikita mong may problema sa gawain ng iglesia at nagagawa mong magmungkahi kung paano lulutasin ang problema, pinatutunayan nitong maaaring mayroon kang potensiyal at maaaring mayroon kang mga abilidad sa paggawa para ayusin ang bagay na ito. Ang tanging problema ay nasa iyong disposisyon—padalos-dalos kang kumilos, ayaw magbayad ng halaga, at nakatuon lang sa pagsigaw ng mga hungkag na islogan. Sa sandaling matuklasan mo ang isang problema, tingnan mo muna kung kaya mo itong lutasin o hindi, at kung kaya mo, tanggapin mo ang gawaing ito at ipagpatuloy hanggang sa dulo, lutasin ang problema, gampanan at isakatuparan ang responsabilidad mo, at iulat ito sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagganap sa mga tungkulin mo at pagkilos at pag-asal sa isang praktikal na paraan. Kung hindi mo malulutas ang problemang ito, iulat mo ito sa iyong lider at tingnan kung sino ang pinakaangkop na mangasiwa sa usaping ito. Una, dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad; sa ganitong paraan, maisasakatuparan mo ang iyong tungkulin at makatatayo sa tamang posisyon. Pagkatapos mong matuklasan ang problema, kung hindi mo ito kayang lutasin subalit magagawa mong iulat ito, natupad mo na ang una mong responsabilidad. Kung pakiramdam mo na ito ay isang tungkuling dapat mong gampanan at makakayanan mo ang gawain, dapat kang humingi ng tulong sa mga kapatid mo, una sa pakikipagbahaginan tungkol sa mga prinsipyo at paggawa ng isang plano, at pagkatapos ay ang pakikipagtulungan nang maayos para makompleto ang bagay na ito. Ito ang ikalawang responsabilidad mo. Kung kaya mong akuin ang dalawang responsabilidad na ito, magagampanan mo nang maayos ang mga tungkulin mo, at ikaw ay magiging isang kuwalipikadong nilikha. Ang mga tungkulin ng mga tao ay binubuo lang ng dalawang aspektong ito. Kung kaya mong akuin ang mga bagay na nakikita at nagagawa mo, ginagampanan ang mga tungkulin mo nang maayos, naaayon ka sa mga layunin ng Diyos.

May iba pa bang pagpapamalas ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? (Kamakailan ay nagkaroon ako ng gayong pagpapamalas. Noong ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, nagpakaabala ako sa mga bagay-bagay buong araw, at nagkaroon ng ilang problema sa iglesia na hindi ko halos nalutas at sa halip ay pinangasiwaan ko lang nang pabasta-basta. Gayunpaman, nakita ng ilang tao na abala ako sa pagganap ng tungkulin ko araw-araw, kaya tumaas ang tingin nila sa akin at hinangaan nila ako. Hindi ba’t naglalaman din ang pag-uugaling ito ng mga elemento ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Hindi ko makita nang malinaw ang bagay na ito at palaging nakararamdam ng kaunting pagpigil.) Pagpapatotoo ba ito sa sarili mo? Kung abala ka sa pagganap ng mga tungkulin mo, nagagawang tiisin ang pagdurusa at hindi nagrereklamo, at mataas ang pagtingin sa iyo at hinahangaan ka ng hinirang na mga tao ng Diyos, normal ito at hindi dulot ng pagpapatotoo sa sarili mo. Abala ka lang sa pagganap sa mga tungkulin mo at hindi ipinagmamalaki ang sarili mo o nagpapakitang-gilas, at hindi ka paulit-ulit na nagsasalita tungkol sa iyong mga karanasan ng pagdurusa, kaya’t wala itong kaugnayan sa pagpapatotoo sa sarili mo. Gayunpaman, maraming tao ang mukhang abala sa panlabas kapag gumaganap ng kanilang mga tungkulin gayong, sa aktuwalidad, hindi nagbunga ng anumang resulta ang gawain nila at hindi nila nalutas ang anumang problema. Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang mga taong abala sa ganoong paraan? Kung abala ka buong araw sa mga simpleng problema na maaaring malutas sa loob ng dalawang oras ng mga taong nakauunawa sa katotohanan at nakaaarok sa mga prinsipyo, at nakararamdam ka ng sobrang pagod at lubos kang nagdusa, hindi ba’t nagpapakaabala ka lang sa wala, nagsusumikap lang nang walang layunin? Makakamit mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos sa pagganap sa mga tungkulin mo sa ganitong paraan? (Hindi.) Masyadong di-epektibo ang paggawa mo! Sa bagay na ito, dapat mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Minsan masyadong maraming ginagawa ang mga tao at talagang abala sila, na isang normal na bagay, subalit kung minsan ay wala silang masyadong ginagawa at gayon pa man ay abala pa rin sila. Ano ang nagdudulot nito? Ang isang dahilan ay na hindi pinlano at isinaayos nang makatwiran ang iyong gawain. Dapat mong maarok ang mga pangunahing tungkulin sa gawain, planuhin at isaayos ang mga ito nang makatwiran, at gampanan ang mga tungkulin mo nang may higit na kahusayan. Ang pagsusumikap nang walang layunin at paggawang abala sa sarili mo nang walang kabuluhan ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Ang isa pang sitwasyon ay kapag ang layunin mo ay ang ipaisip sa mga tao na abala ka, at ginagamit mo ang pamamaraan at huwad na anyong ito para manloko ng iba. Sa tuwing nagtitipon sila, hindi nilulutas ng ilang lider at manggagawa ang mga aktuwal na problema at sa halip ay gumagawa ng mga walang kabuluhang pahayag, walang tigil na lumilihis sa paksa at patuloy na nagsasalita nang hindi nakararating sa pangunahing punto. Ang ganitong paraan ng pagiging abala—hindi pagsusumikap para sa kahusayan o pag-usad—ay tinatawag na pagpapakaabala ng sarili sa wala. At anong klaseng saloobin ito? Ito ay pagraraos ng gawain ng isang tao, pagiging pabasta-basta, pag-aaksaya ng oras, at sa huli ay iniisip pa rin na, “Anuman ang iniisip ng ibang tao o anuman ang iniisip ng Diyos, hangga’t malinis ang konsensiya ko ay magiging maayos ako. Kahit papaano ay hindi ako tatamad-tamad, at kahit papaano ay hindi ako nakakukuha ng libre nang walang ginagawa.” Sa panlabas, maaaring tila hindi ka tatamad-tamad, na hindi ka nakakukuha ng libre nang walang ginagawa, na araw-araw ay dumadalo ka sa mga pagtitipon o gumaganap ng iyong tungkulin, at na ang lahat ng iyong ginagawa ay nauugnay sa gawain ng iglesia, subalit sa aktuwalidad, sa kaibuturan mo, alam mo na ang mga bagay na ginagawa mo ay walang silbi o talagang walang kuwenta, at na iniraraos mo lang ang mga bagay-bagay. Problematiko ito. Kaya, gaano mo kahusay ginagampanan ang iyong tungkulin? Alam na alam mo na may problema ka, subalit hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ito—ito ay pagiging pabasta-basta, manhid, at mapagmatigas. Ano ang kahihinatnan ng pagiging pabasta-basta at pagpapaliban kapag ginagampanan ang mga tungkulin mo? Tiyak na hindi mo matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil hindi ka kumikilos nang may mga prinsipyo o kahusayan, at ang ganitong pagganap sa tungkulin mo ay pawang pagtatrabaho lang. Kung pinungusan at tinulungan ka subalit hindi ka pa rin nagsisisi, at nagrereklamo ka pa at negatibo at nagpapabaya habang nagtatrabaho, maaari ka lang maitiwalag. Kaya, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan para lutasin ang problema ng pagiging pabasta-basta, gaano katagal mo mang ginagampanan ang mga tungkulin mo ay wala itong silbi, at hindi ka makaaabot sa mga pamantayan para sa pagganap ng mga tungkulin mo nang may katapatan. Napakahalagang pagnilayan ng problemang ito. Hinihingi ng Diyos na kumilos ang mga tao nang may mga prinsipyo, na isagawa nila ang katotohanan, at na maging matapat sila. Kung makapapasok ang isang tao sa mga katotohanang ito, makakamit niya ang mga resulta sa pagganap ng kanyang mga tungkulin, at sa pinakamababa ay magagawa niyang kumilos nang may mga prinsipyo. Narito ang pundasyon at ang susi sa pagtataas ng kahusayan ng isang tao. Kung ang isang tao ay walang mga katotohanang prinsipyo, gaano man kaabala niyang ginagampanan ang mga tungkulin niya at gaano man siya katagal na gumagawa bawat araw, hindi niya makikita ang tunay na mga resulta. Kapag hinahatulan kung ginagampanan ng mga tao ang mga tungkulin nila nang may katapatan, hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano katagal nilang ginagampanan ang mga tungkulin nila, kundi sa halip ay sa praktikal nilang mga resulta at kahusayan nila sa gawain, at kung kumikilos sila nang may mga prinsipyo at alinsunod sa katotohanan. Sa madaling salita, tinitingnan Niya kung ang mga tao ay may tunay na patotoo na batay sa karanasan at buhay pagpasok sa pagganap ng mga tungkulin nila. Kung walang anumang katotohanang realidad ang mga tao, kung gayon ay mga trabahador lang sila, subalit kung nakapagsasagawa sila ng katotohanan at nakakikilos sila nang may mga prinsipyo, isang palatandaan iyon na ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin bilang mga tao ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkukumparang ito, mauunawaan na ang mga nakatutugon lang sa mga pamantayan sa pagganap ng kanilang mga tungkulin ang maituturing na mga tao ng Diyos. Iyong mga hindi nakatutugon sa mga pamantayan, na palaging pabasta-basta, ay mga trabahador. Kung mauunawaan ng isang tao ang katotohanan at kumikilos nang may mga prinsipyo, hindi magiging problema para sa kanya ang pagganap ng anumang tungkulin, at hangga’t saglit siyang nangangapa, sa huli ay matutugunan niya ang mga pamantayan sa pagganap ng mga tungkulin niya. Para naman sa iyong mga may napakababang kakayahan o palaging pabasta-basta, mahihirapan silang tugunan ang mga hinihingi, at ang pagganap sa kanilang mga tungkulin ay walang iba kundi pagtatrabaho. Para naman sa mga tao na magulo ang isip, mga hangal, at mga taong may mababang pagkatao na hindi gumagawa ng wastong gawain, hindi tumatanggap sa katotohanan gaano man ito ibinabahagi, at patuloy na kumikilos nang walang ingat, maaari lang silang itiwalag at hinahayaang manalig sa Diyos paano man nila gustuhin. Kaya, kung hindi ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang may mga prinsipyo at nagpapakaabala nang walang layunin at ginagawang abala ang sarili niya sa wala araw-araw, kailangan niyang mabilis na hanapin ang katotohanan para malutas ito at kumilos nang may mga prinsipyo. Dapat niyang magampanan ang tungkulin niya nang normal araw-araw at hindi lang makontento kapag nakapagtrabaho na siya nang mahabang panahon, binibigyang-halaga ang kahusayan at paglikha ng isang tapos na produkto—tanging ang mga gayong tao ang mga taong sinang-aayunan ng Diyos at na tapat na gumaganap ng kanilang mga tungkulin.

Sa panahon ngayon, maraming tao ang sumusunod sa Diyos at gumaganap ng sarili nilang mga tungkulin, pero may ilan sa kanila ang hindi kailanman naghangad ng katotohanan, at kapag ginagawa ang kanilang mga tungkulin, palagi silang kumikilos nang walang ingat at nang naaayon sa sarili nilang mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gustuhin nila. Hindi sila gumagawa ng malalaking pagkakamali, pero palagi silang gumagawa ng maliliit na pagkakamali, partikular sa pagmumukha nilang abala araw-araw gayong sa realidad, wala silang inasikasong anumang wastong bagay at pinalilipas lang ang kanilang oras. Masasabi rin ng isang tao na ginagawa lang nila ang kanilang trabaho para makaraos. Hindi ba’t nanganganib ang mga gayong tao? Kung hinaharap palagi ng isang tao ang kanyang mga tungkulin at hinaharap ang atas ng Diyos nang may gayong kawalang-galang na saloobin, anong uri ng mga kahihinatnan magkakaroon ito? Ang di-epektibong paggawa at ang pagkakatanggal sa mga tungkulin ng isang tao ay isang magaan na kahihinatnan—kung gumagawa ng iba’t ibang uri ng masasamang gawa ang isang tao ay dapat siyang paalisin, at ibibigay ng Diyos ang gayong tao kay Satanas. Ano ang ibig sabihin ng ibibigay kay Satanas? Nangangahulugan ito na hindi na siya aalagaan ng Diyos, na hindi siya ililigtas ng Diyos, at na magsisimula siyang tahakin ang maling landas at pagkatapos ay maparurusahan. Nauunawaan mo ito, hindi ba? Ngayon na ang oras kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga tao, at kung pansamantala mong hindi sinusundan ang tamang landas, gagamitin ng Diyos ang praktikal na kapaligiran para bigyan ka ng isang pagkakataong matukoy ang iyong mga problema. Gayunpaman, kapag nalaman mo na binigyan ka ng Diyos ng oras para magnilay, na binibigyan ka Niya ng huling pagkakataon, kung hindi ka pa rin magbabalik-loob at matigas ang ulong ipagpapatuloy na gampanan ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, kikilos ang Diyos. Nang winasak ng Diyos ang lungsod ng Nineve, ginawa ba Niya ito kaagad? Hindi Niya ito ginawa kaagad. Ano ang naging unang hakbang ng Diyos nang kumilos Siya? Una Niyang ipinaalam kay Jonas, at tahasang sinabi sa kanya kung paano mangyayari ang buong proseso at kung ano ang Kanyang mga layunin. Pagkatapos nito, pumunta si Jonas sa Nineve at nilakad ang buong lungsod, ipinapahayag na: “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak!” (Jonas 3:4). Nakarating ang mensaheng ito sa pandinig ng lahat; narinig ito ng kalalakihan at kababaihan, ng bata at matanda, at ng mga tao mula sa lahat ng antas ng lipunan—alam ito ng bawat sambahayan, at narinig ang balitang ito maging ng kanilang hari. Bakit kumilos ang Diyos sa gayong paraan? Sa pagtingin sa bagay na ito, makikita ng isang tao kung inililigtas, ibinubunyag, o pinarurusahan man Niya ang mga tao, lahat ng paraan ng Kanyang pagtrato sa mga tao ay may mga tuntunin at prinsipyo. Hindi Siya kumikilos sa biglaang kapritso, agad na winawasak ang isang tao kapag hindi Niya gusto ang itsura nito. Sa halip, hinahayaan Niyang lumipas ang ilang panahon. Ano ang Kanyang layunin sa pagpapaubaya Niyang palipasin ang panahon? (Para hayaan ang mga tao na magsisi.) Ito ay para ipaalam sa mga taga-Nineve kung ano ang Kanyang gagawin, para hayaan silang magnilay at unti-unting mauunawaan ang Kanyang mga layunin at unti-unting magsimulang magbalik-loob. May proseso para makilala ito ng mga tao, at ang 40 araw na ito ang oras na ibinigay ng Diyos sa mga tao para magbalik-loob. Kung hindi pa rin sila nagbabalik-loob pagkaraan ng 40 araw at hindi ikinumpisal ang kanilang mga kasalanan sa Kanya, tutuparin ng Diyos ang bagay na ito alinsunod sa sinabi Niyang gagawin Niya. Ito ay dahil ginagawa ng Diyos ang Kanyang salita, at matutupad ang Kanyang salita—walang kasinungalingan ang mga salitang ito. Kung gayon, ano ang naging reaksiyon ng mga taga-Nineve nang matanggap nila ang balitang ito? Agad ba silang nagsuklob ng sako at abo? Hindi, nagkaroon ng isang proseso. Sa simula, marahil ay nag-alinlangan ang mga tao: “Lilipulin tayo ng Diyos; sinabi Niya ba talaga iyon? Anong ginawa natin?” Pagkatapos nito, ipinaalam ng lahat ng mga sambahayan sa isa’t isa ang tungkol sa bagay na ito at tinalakay ito nang magkakasama. Naramdaman nila na dumating ang isang krisis at na sila ay nasa sangang-daan ng buhay at kamatayan. Kaya, ano ang dapat nilang gawin? Dapat ba silang mangumpisal at magsisi, o mag-alinlangan at lumaban? Kung talagang pinili nilang mag-alinlangan at lumaban, ang kahihinatnan ay na malilipol sila pagkatapos ng 40 araw, pero kung ikinumpisal nila ang kanilang mga kasalanan at nagbalik-loob, magkakaroon pa rin sila ng isang makakapitan. Pagkatapos talakayin ang bagay na ito sa lahat ng antas sa loob ng maraming araw, napakaraming minorya ng mga mamamayan ang nagawang mag-angkin ng saloobin ng pangungumpisal ng kanilang mga kasalanan at pagbabalik-loob. Nagawa nilang yumukod sa pagsamba, na maghandog ng mga sakripisyo, o magpakita ng ilang mabubuting pag-uugali at pagpapamalas. Subalit may isang napakahalagang tao na nagligtas sa lungsod na ito—sino ito? Ito ay ang hari ng Nineve. Inutusan niya ang buong bansa, mula sa hari hanggang sa pinakamababang karaniwang tao, na sukluban ang sarili nila ng sako at abo, na ikumpisal ang kanilang mga kasalanan at magsisi sa Diyos na si Jehova. Pagkatapos maglabas ng gayong kautusan, may sinuman ba sa lungsod na maglalakas-loob na hindi gawin ito? May ganitong uri ng kapangyarihan ang isang hari. Kung ginamit niya ang kapangyarihang taglay niya para gumawa ng ilang masasamang bagay, nagdanas sana ng malaking sakuna ang mga tao sa bansa, sa halip ay ginamit niya ang kapangyarihang ito para gumawa ng mabubuting bagay, mga bagay ng pagsamba sa Diyos at pagbabalik-loob sa Kanya, at napanatili ang lungsod, at nailigtas ang mga tao sa buong bansa, at nagkaroon sila ng pag-asa na mapatawad. Hindi ba’t ito ay napagpasyahan ng isang pag-iisip ng haring ito? Kung sinabi niya na, “Kahit handa pa kayong magsisi, hindi ko gagawin ito; bahala kayo sa inyong sarili. Hindi ako naniniwala sa gayong mga bagay, at wala akong ginawang anumang masama. Higit pa riyan, mayroon akong katayuan, kaya ano ang magagawa ng Diyos sa akin? Maaari ba Niya akong pagbawalan mula sa trono? Mawasak na kung mawawasak ang lungsod. Kahit wala ang mga karaniwang taong ito ay magiging hari pa rin ako, tulad nang dati!” Paano kung nagkaroon siya ng gayong ideya, gayong linya ng pag-iisip? Kung magkagayon ay mas kaunting karaniwang tao ang maaaring nailigtas, at sa huli ay maaaring inilabas ng Diyos ang mga piling tao na handang magsisi. Pagkatapos Niyang ilabas sila, iyong mga mas ginusto pang mamatay kaysa magsisi ay nawasak na sana kasama ng lungsod, at siyempre kasama nila ang hari. At para sa mga handang magsisi, nagawa pa sana nilang patuloy na mabuhay pagkatapos silang ilabas ng Diyos sa lungsod. Subalit, ang pinakamagandang bagay tungkol dito ay na nagawa ng hari ng Nineve na manguna sa pagsusuklob sa kanyang sarili ng sako at abo, at sinabi rin sa mga karaniwang tao ng lungsod, mapa-babae o lalaki, bata o matanda—kahit sino pa sila, opisyal man na may mataas na ranggo o mababang uri ng isang magsasaka—mula sa mga aristokrata hanggang sa mga ordinaryong sibilyan, na dapat nilang lahat na sukluban ang kanilang sarili ng sako at abo at lumuhod sa harap ng Diyos na si Jehova sa pagsamba, magpatirapa at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan o ipahayag ang kanilang saloobin ng pagbabalik-loob, talikuran ang kanilang masamang pamamaraan at talikuran ang kasamaan sa kanilang mga kamay, magsisi sa Diyos, at magdasal na huwag Niya silang lipulin. Nanguna ang hari ng Nineve sa pamamagitan ng pagsisisi at pangungumpisal ng kaniyang mga kasalanan sa Diyos, at sa paggawa nito ay nailigtas ang lahat ng mamamayan ng lungsod, na may maraming taong nakinabang kasama niya. Sa pangunguna sa paggawa nito, naging mahalaga ang kanyang kapangyarihan. Ang haring ito na nanguna sa kanyang mga tao para magbalik-loob sa Diyos ay isang bagay na ginugunita ng Diyos.

May anumang pakinabang ba sa inyo ang pakikipagbahaginan nang gayon ka-detalyado tungkol sa nilalaman ng itinataas at pagpapatotoo ng mga anticristo sa kanilang sarili? Ang paulit-ulit na pagbabahaginan nang ganito, pagbibigay ng mga halimbawa, pagkukuwento, paggamit ng iba’t ibang paraan at mga salita para ilarawan at tukuyin ito—kung hindi pa rin nakauunawa ang mga tao, talagang wala silang espirituwal na pang-unawa, at ang mga tao na tulad nito ay hindi matutubos. Ano ang layunin ng pagbabahaginan nang gayon ka-detalyado? Ito ay para tiyakin na pagkatapos marinig ng mga tao ang mga salitang ito, ang nauunawaan at natatanggap nila ay hindi mga doktrina, hindi literal na kahulugan, at hindi isang partikular na pagpapahayag, kundi isang katotohanan tungkol sa kondisyon ng mga bagay-bagay at ilang katotohanan at prinsipyong nauugnay sa diwa, pag-iral, at buhay ng mga tao. Kung kaya ninyong panghawakan ang mga kasabihan o ang mga halimbawang ito na tinalakay Ko sa inyong sariling aktuwal na kalagayan o sa mga bagay na ibinubunyag ninyo sa inyong sariling buhay para sa pagkukumpara, kung gayon ay kaya ninyong unawain ang katotohanan at kayo ay tao na may espirituwal na pang-unawa. Kung kaya ninyong makita ang kaugnayan at mahanap ang relasyon sa pagitan ng bawat halimbawa at bagay na tinalakay at ang aspekto ng katotohanan na pinagbabahaginan, gayundin ang relasyon ng mga ito sa iyong sariling kalagayan at sa iyong mga sariling pagbubunyag—kung alam mo kung paano pag-uugnayin ang mga ito at gamitin ang kaalamang ito, kung gayon ay mayroon kang espirituwal na pang-unawa, mayroon kang pag-asa na makapasok sa katotohanang realidad, at mauunawaan mo ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan anuman ang sinasabi, kung hindi mo naiuugnay ang mga bagay na ito sa iyong sarili, kung sa palagay mo ay walang kinalaman ang anumang naririnig mo sa kung ano ang iyong ibinubunyag at sa iyong sariling kalikasang diwa, at kung hindi mo mahanap ang kaugnayan, ganap kang mangmang at walang maunawaang anuman; wala kang espirituwal na pang-unawa. Ang gayong mga tao na walang espirituwal na pang-unawa ay maganda lang para sa pagtatrabaho at hindi makapapasok sa katotohanang realidad. Ang mga taong gustong magkamit ng kaligtasan ay dapat pumasok sa katotohanang realidad, at para makapasok sa katotohanang realidad ay dapat na nauunawaan ng isang tao ang mga salitang ito at nauunawaan ang mga kuwento at pangyayaring ito na Aking tinalakay, gayundin kung ano ang bawat bagay, bawat uri ng pagbubunyag, at ang diwa ng bawat uri ng tao at ang kanilang mga pagpapamalas at kalagayan, at magawang panghawakan ang lahat ng ito sa kanilang sarili. Sa ganitong paraan lang nila mauunawaan ang katotohanan; kung hindi nila maaabot ang puntong ito, hindi nila ito mauunawaan. Katulad ito ng pag-aalaga ng mga tao ng manok—kung nag-aalaga ang tao ng isang manok sa loob ng kalahating taon, at hindi pa rin ito nangingitlog, masasabi bang hindi nangingitlog ang manok na ito? (Hindi.) Kung tatlong taon nang inaalagaan ng may-ari ang manok na ito at pinakain niya ito ng mga butil at gulay, pero hindi pa rin ito nangingitlog anuman ang kinakain nito, masasabi bang hindi nangingitlog ang manok na ito? (Oo.) Kaya, pagdating sa mga tao, hindi nakauunawa ang ilan sa kanila kahit anong sermon ang pinakikinggan nila at gaano mo man ibinabahagi ang katotohanan sa kanila. Ito ay isang taong walang espirituwal na pang-unawa. May isa pang uri ng tao, ang uri na nakauunawa sa narinig nila pero hindi ito isinasagawa, hindi nagbabalik-loob. Ang ganitong uri ng tao ay tapos na at katulad ng mga tao mula sa lungsod ng Sodom—nakatadhanang maging isang bagay ng pagkawasak. Nabibilang ang mga anticristo sa kategoryang ito ng mga tao; hindi sila magbabalik-loob anumang pagbabahagi mo tungkol sa katotohanan. Isa lang ba itong mapagmatigas na disposisyon? (Hindi.) Mayroon silang kalikasang diwa na sumasalungat sa Diyos at mapanlaban sila sa katotohanan, at para sa gayong tao imposible para sa kanilang maunawaan ang katotohanan. Ginagawa nilang kaaway ang katotohanan, sinasalungat ang katotohanan at ang Diyos, at mapanlaban sa mga positibong bagay, kaya kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatrato bilang katotohanan, kundi isang uri ng teorya, karunungan, o doktrina. Pagkatapos nilang makinig sa pagbabahaginan, sinasangkapan nila nito ang kanilang puso para pagkatapos nito ay makakapagpapasikat sila at makapagkakamit ng sarili nilang interes, katayuan, katanyagan, at pakinabang. Ito ang kanilang layunin. Gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan at anumang halimbawa ang iyong tinatalakay, hindi mo sila mababago, at hindi mo mababaligtad ang kanilang mga layunin o mababago ang paraan nila ng paggawa ng mga bagay-bagay. Sila ay isang taong hindi naghahangad sa katotohanan. Ang mga taong hindi tumatanggap at nagsasagawa ng katotohanan pagkatapos marinig ito ay hindi mababago ng katotohanan, at hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Ang mga ganitong uri ay matutukoy bilang mga taong mapanlaban sa katotohanan, at para maging mas partikular, sila ay mga anticristo. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at mga ordinaryong tao.

Ang ilang tao ay mayroong disposisyon ng isang anticristo, at madalas na nagbubunyag ng pagbuhos ng mga partikular na tiwaling disposisyon, ngunit kasabay ng pagkakaroon ng gayong pagbubunyag, pinagninilayan at kinikilala rin nila ang kanilang sarili, at nagagawang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at paglipas ng panahon, may makikitang pagbabago sa kanila. Sila ay maaaring makatanggap ng kaligtasan. May mga tao, na sa panlabas, ay tila may kakayahang talikuran ang mga bagay-bagay, igugol ang kanilang sarili, magdusa sa paghihirap at magbayad ng halaga, subalit sa kanilang kalikasang diwa, sila ay tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Kapag nakikipagbahaginan ka ng katotohanan sa kanila, tutol sila rito at sumasalungat dito. Nakakaidlip at nakakatulog sila sa mga pagtitipon at sermon. Kinaiinipan nila ang mga ito, at kahit pa nauunawaan nila ang kanilang naririnig, hindi nila isinasagawa ito. May iba na mukhang nakikinig nang taimtim sa mga sermon, subalit hindi nauuhaw ang kanilang puso para sa katotohanan at ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay na sinusuri nila ang mga ito bilang isang uri ng espirituwal na kaalaman o teorya. At kaya kahit ilang taon na silang mananampalataya, o gaano man karaming salita ng Diyos na ang kanilang nabasa, o gaano karaming sermon na ang kanilang narinig, walang pagbabago sa kanilang pananaw sa paghahangad ng katayuan at pagpapahalaga sa kapangyarihan, o sa kanilang saloobin ng pagiging tutol sa katotohanan, pagkamuhi sa katotohanan, at paglaban sa Diyos. Sila ay mga halimbawa ng anticristo. Kung isisiwalat mo sila sa pagsasabing, “Tinatangka mong kunin ang suporta ng mga tao, at kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili, nililihis mo ang mga tao at nakikipagtunggali ka para sa katayuan sa Diyos. Ito ang mga kilos ni Satanas at ng mga anticristo.” Kaya ba nilang tanggapin ang gayong pagkondena? Talagang hindi. Ano ang iniisip nila? “Tama ako sa pagkilos nang ganito, kaya ganito ako kumikilos. Gaano mo man ako ikondena, anuman ang sabihin mo, at gaano pa ito katama sa paningin, hindi ko isusuko ang paraang ito ng paggawa ng mga bagay-bagay, ang pagnanais na ito, ang paghahangad na ito.” Tiyak na ito, kung gayon na: Anticristo ang mga ito. Wala kang masasabing makakapagpabago sa kanilang mga pananaw, layunin, plano, ambisyon, o pagnanais. Ito ang halimbawa ng kalikasang diwa ng mga anticristo; walang makakapagpabago sa mga ito. Gaano man nakikipagbahaginan ang mga tao ng katotohanan sa kanila, o anumang wika o pananalita ang ginagamit nila, anuman ang oras, espasyo, o konteksto, walang makakapagpabago sa kanila. Magbago man ang kanilang kapaligiran, magbago man ang mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang paligid, at gaano man magbago ang panahon, o gaano man kalaki ang mga palatandaan at kababalaghang ipinakikita ng Diyos, gaano man kalaki ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa kanila, o kahit gaano sila pinarurusahan ng Diyos, hindi magbabago ang paraan ng pagtingin nila sa mga bagay-bagay at ang kanilang plano, at hindi magbabago ang ambisyon at pagnanais nilang makipag-agawan ng kapangyarihan. Hindi magbabago ang paraan nila ng pag-asal at pakikisalamuha sa iba, gayundin ang saloobin nila ng pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos. Kapag tinutukoy ng iba na ang kanilang ginagawa ay pagtataas at pagpapatotoo tungkol sa kanilang sarili at pagsisikap na mailihis ang mga tao, binabago nila ang paraan ng kanilang pagsasalita sa paraang walang makikita o makikilatis na mali ang iba. Gumagamit pa sila ng mga higit na tusong pamamaraan para ipagpatuloy ang kanilang pamamahala at pagkamit ng kanilang mithiin ng paghahari at pagkokontrol sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang ipinamamalas sa isang anticristo, at ito ay inuudyukan ng diwa ng isang anticristo. Kahit na sinabi ng Diyos sa kanila na sila ay paparusahan, na dumating na ang kanilang wakas, na sila ay isinumpa, mababago ba nito ang kanilang diwa? Mababago ba nito ang kanilang saloobin sa katotohanan? Mababago ba nito ang pagmamahal nila sa katayuan, kasikatan, at pakinabang? Hindi. Ang pagbabago sa mga tao na ginawang tiwali ni Satanas para maging mga taong may normal na pagkatao na sumasamba sa Diyos ay siyang gawain ng Diyos; maaari itong makamit. Ngunit maaari bang gawing normal na mga tao ang mga demonyo, mga taong nakadamit sa balat ng tao ngunit ang kanilang diwa ay sataniko, mapanlaban sa Diyos? Imposible iyon. Hindi isinasagawa ng Diyos ang ganitong uri ng gawain; hindi kasama ang ganitong uri ng mga tao sa mga inililigtas ng Diyos. Kung gayon, paano tinutukoy ng Diyos ang ganitong mga tao? Sila ay kay Satanas. Hindi sila pipiliin o ililigtas ng Diyos; hindi nais ng Diyos ang mga ganitong uri ng tao. Gaano man katagal silang nananalig sa Diyos, gaano man sila nagdusa o kung ano ang nakamit nila, hindi magbabago ang kanilang plano. Hindi nila isusuko ang kanilang mga ambisyon o pagnanasa, lalo nang hindi nila bibitiwan ang kanilang motibasyon at pagnanasa na makipagtunggali sa Diyos para sa katayuan at mga tao. Mga tunay na anticristo ang ganitong mga tao.

Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi ba’t nakagagawa ng kasamaan at nakakapanlaban sa Diyos ang mga anticristo dahil lang sa pansamantalang kaguluhan ng pag-iisip? Kung magpapakita ang Diyos ng ilang palatandaan at kababalaghan o parurusahan sila nang kaunti, para makita nila ang Diyos, hindi ba nila magagawang kilalanin at magpasakop sa Diyos? Hindi ba nila magagawang tanggapin at kilalanin na ang Diyos ay katotohanan at hindi na makikipag-agawan sa Diyos para sa katayuan? Hindi ba’t ito ang kaso na wala silang pananampalataya dahil hindi nila nasaksihang nagpakita ang Diyos ng anumang mga palatandaan at kababalaghan o nakita ang espirituwal na katawan ng Diyos, kung kaya’t napakahina nila at pagkatapos ay nalilinlang sila ni Satanas?” Hindi, hindi iyon ang kaso. Ang mga ambisyon, pagnanais, at diwa ng mga anticristo ay ganap na naiiba at kaiba sa isang tao na pansamantalang nalinlang at hangal at hindi nakauunawa sa katotohanan. Likas na nagtataglay ang mga anticristo ng isang satanikong kalikasan at tutol sila sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan mula kapanganakan. Sila ay mga Satanas na hindi makapagkakasundo sa Diyos, na lumalaban sa Diyos at nakikipagtagisan sa Diyos hanggang sa huli, at sila ay mga nabubuhay na Satanas na nakasuot ng balat ng tao. Ang gayong mga tao ay tinutukoy bilang mga anticristo alinsunod sa kanilang kalikasang diwa, at kung gayon anong papel ang maaari nilang ginagampanan at anong mga bagay ang magagawa nila sa sambahayan ng Diyos? Ginagambala, ginugulo, ginigiba, at winawasak nila ang gawain ng Diyos. Hindi maiiwasang gawin ng mga taong ito ang mga bagay na ito sa sambahayan ng Diyos. Ganitong uri ng bagay sila, mayroon silang isang satanikong kalikasan, at tulad ito ng mga lobo na pumapasok sa gitna ng kawan, na layong lamunin ang mga tupa—ito ang nag-iisa at natatangi nilang layunin. Mula sa ibang perspektiba, bakit pinahihintulutan ng Diyos ang mga taong ito na magpakita sa Kanyang sambahayan? Ito ay para lumago ang pagkilatis ng hinirang na mga tao ng Diyos. Wala pang nakakita kung ano ang itsura ng diyablong si Satanas, kung ano ang diwa ng mga kilos nito, kung ano ang mga partikular na pagbubunyag nito, o kung paano nito nililigaw ang mga tao at kinokontra ang Diyos sa mundo. Kapag nababanggit ang diyablong si Satanas, pakiramdam nila ay abstrak at hungkag ito, na hindi sapat na kongkreto. “Nasaan si Satanas?” Tanong nila. “Nasa hangin,” ang sagot. “Kung gayon, gaano kalaki si Satanas? Anu-anong mga himala ang partikular nitong ginagawa? Paano nito partikular na kinokontra ang Diyos? Ano ang kalikasang diwa nito?” Pakiramdam nila na ang lahat ng ito ay napaka-abstrak, malabo, at hungkag. Gayunpaman, sa pamamagitan ng mga pagpapamalas at pagbubunyag ng mga anticristo, nagagawa nilang maitugma ang mga bagay na ito sa ginagawa ni Satanas at sa kalikasang diwa nito, at pagkatapos ay nagiging kongkreto ang lahat ng ito at hindi na nagiging abstrak o hungkag. Kapag naging kongkreto na ang lahat, maririnig ito ng mga tao na magsalita, makikita ang pag-uugali nito, at maingat na makikilatis ang kalikasang diwa nito. Sa ganitong paraan, hindi ba nila nararamdaman na naging mas kongkreto at totoo ang diwa ng diyablong si Satanas na tinutukoy ng Diyos, at makagagawa sila ng praktikal na pagkukumpara? Ang ilang tao ay mababa pa ang tayog at hindi nakauunawa sa katotohanan, at dahil sa ilang panandaliang kahangalan ay nalilinlang sila ng mga anticristo at naililigaw, at kaya’t umaalis sila nang isang taon o higit pa. Pagbalik nila sa sambahayan ng Diyos, napagtatanto nila na hindi maganda sa pakiramdam ang sundin si Satanas. Nang sinimulang sundin ng mga taong ito ang mga anticristo, pakiramdam nila ay may sapat silang dahilan at malaking kumpiyansa, sinasabi na, “Ayaw ng Itaas na sundin natin ang mga anticristo, pero susundin pa rin natin sila, at balang araw mapatutunayang tama tayo!” Ang resulta nito ay, pagkaraan ng ilang panahon, nararamdaman nilang nawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi nila nagagawang maramdaman ang anumang kumpirmasyon sa kanilang puso. Para sa kanila, tila wala na ang Diyos sa piling nila, na nawalan na ng kahulugan at direksiyon ang kanilang pananampalataya, at unti-unti ay pahigit nang pahigit ang nagiging pagkilatis nila sa mga anticristo. Dati inakala nila na talagang nauunawaan ng mga anticristo ang katotohanan, at sa pagsunod sa kanila ay hindi sila magkakamali sa kanilang pananampalataya, subalit nakikita na nila ngayon na may mga seryosong problema ang mga anticristo, na nagsasalita ang mga anticristo na tila nauunawaan nila ang katotohanan, subalit hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan—isa itong katunayan. Nakikita nilang sinundan nila ang mga anticristo nang napakatagal na panahon at walang nakamit na anumang katotohanan, at na talagang napakamapanganib na patuloy na sundin ang mga anticristo, at kaya sila ay nakararamdam ng pagsisisi, tinatanggihan nila ang mga anticristo, at nagkukusa silang bumalik sa sambahayan ng Diyos. Kapag tinanggap na ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao, ipasasalaysay sa mga taong iyon ang kanilang naging karanasan, at sinasabi nila na, “Napakahusay ng anticristo na iyon sa pagliligaw sa mga tao. Noon, parang tama sila kahit ano pa ang iniisip ko tungkol sa kanila, subalit wala akong nakamit na resulta, walang naunawaang katotohanan, at wala akong nakuha ni katiting na katotohanang realidad pagkatapos silang sundan sa loob nang mahigit isang taon. Nagsayang ako ng mahalagang oras. Talagang nakaranas ako ng napakalaking kawalan!” Ang karanasang ito ng kabiguan ay nagiging pinakamakabuluhan nilang alaala. Pagkatapos nilang bumalik sa sambahayan ng Diyos, mas nakikinig sila sa mga sermon, mas nauunawaan nila ang katotohanan at nagiging mas maliwanag ang kanilang puso. Kapag nagbabalik-tanaw sila sa oras na ginugol nila sa pagsunod sa anticristo na iyon at nakikita kung paano sila nagdusa ng kawalan, nararamdaman nilang si Satanas talaga ang mga anticristo at talagang wala silang katotohanan, na ang Diyos lang ang katotohanan, at hindi na sila nangangahas na sumunod muli sa ibang tao. Pagdating ng oras para pumili muli ng isang lider, maingat silang bumoboto, iniisip na, “Kung iboboto ko ang isang partikular na tao, malamang na isang anticristo ang mapipili. Kung hindi ako boboto para sa isang partikular na tao, baka hindi mapipili ang isang anticristo. Dapat akong mag-ingat at suriin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo.” Hindi ba’t nakabatay ngayon ang kanilang mga kilos sa mga prinsipyo at pamantayan? (Oo, nakabatay rito ang mga ito.) Ito ay isang mabuting bagay. Ang ilang tao ay inililigaw ng mga anticristo at nagsasabing, “Bakit nangyari ito sa atin? Isinantabi ba tayo ng Diyos? Wala na ba Siyang pakialam sa atin?” Sa gayong sitwasyon, papayag ka ba kung sasabihin sa iyo ng Diyos na huwag mong sundin ang mga anticristo? Hindi, hindi ka papayag. Ipipilit mo pa ring sundin sila, at ang magagawa lang ng Diyos ay pahintulutan kang gawin ito at pagkatapos ay turuan ka ng aral gamit ang mga katunayan. Pagkatapos ng ilang panahon nang pagsunod sa mga anticristo, bigla kang matatauhan at makikita na nagdusa ka ng kawalan sa iyong buhay, at saka ka lang makadarama ng pagsisisi at magiging handang tanggihan ang mga anticristo at muling magbabalik-loob sa Diyos. Sa kabutihang palad, mapagparaya at mahabagin ang Diyos, at gusto ka pa rin Niya. Kung hindi ka Niya gusto, ganap na matatapos ka na, wala ka nang pagkakataong magkamit ng kaligtasan—walang magandang wakas sa pagsunod sa mga anticristo.

Dapat mong malinaw na makita ang mga anticristo at makilala sila nang tama. Dapat malaman mo kung paano makikilatis ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo at, gayundin, dapat mong malinaw na malaman na maraming bagay sa iyong sariling kalikasang diwa ang may pagkakatulad sa mga anticristo. Ito ay dahil lahat kayo ay kabilang sa sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, at ang tanging kaibahan ay ganap na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas ang mga anticristo, at sila ay naging mga kasabwat ni Satanas at nagsasalita para dito. Kabilang ka rin sa tiwaling sangkatauhan, subalit nagagawa mong tanggapin ang katotohanan at may pag-asang makakamit ang kaligtasan. Gayunpaman, maraming bagay pagdating sa diwa na may pagkakatulad ka sa mga anticristo, at pareho ang inyong mga pamamaraan at plano. Iyon lang, kapag narinig mo na ang katotohanan at nakinig sa mga sermon, magagawa mong magbago ng landas, at ang kakayahang magbago ng landas ang makatutukoy na may pag-asa kang magkamit ng kaligtasan—ito ang pagkakaiba sa pagitan mo at ng mga anticristo. Samakatuwid, kapag inilalantad Ko ang mga anticristo, dapat mo ring ipagkumpara at kilalanin kung anong mga bagay ang may pagkakatulad kayo ng mga anticristo, at kung aling mga pagpapamalas, disposisyon, at aspekto ng diwa ang may pagkakatulad ka sa kanila. Sa paggawa nito, hindi mo ba magagawang mas makilala ang iyong sarili? Kung palagi mong nararamdaman ang pagiging mapanlaban, naniniwalang hindi ka isang anticristo, nararamdaman ang matinding pagkamuhi sa mga anticristo, at ayaw mong gawin ang pagkukumparang ito o pagninilay sa iyong sarili at pag-uunawa kung anong landas ang iyong sinusundan, ano ang magiging kahihinatnan? Sa pagkakaroon ng isang satanikong disposisyon, malamang sa malamang na magiging isang anticristo ka. Ito ay dahil walang anticristo ang sadyang naghahangad na maging isang anticristo at pagkatapos ay nagiging gayon nga; ito ay dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at natural na humahantong sila sa pagsunod sa landas ng isang anticristo. Hindi ba’t mga anticristo ang lahat ng iyon sa relihiyosong mundo na hindi nagmamahal sa katotohanan? Ang bawat tao na hindi nagninilay at nakauunawa sa kanilang sariling kalikasang diwa at na nananalig sa Diyos ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, ay isang anticristo. Kapag nagsimula ka na sa landas ng isang anticristo, sa sandaling nagkamit ka ng katayuan, at isama pa ang katunayang may kaunti kang kaloob at pagkatuto, at hinahangaan ka ng lahat, habang ang oras na iyong ginugugol sa pagtatrabaho ay humahaba, nagkakaroon ka ng lugar sa puso ng mga tao. Habang lumalawak ang saklaw ng trabaho na iyong responsabilidad, parami nang parami ang taong iyong pinamumunuan, parami nang parami ang kapital na iyong makakamit, at pagkatapos ay magiging isang tunay ka nang Pablo. Nakasalalay ba ang lahat ng ito sa iyo? Wala kang planong sundan ang landas na ito, subalit paanong hindi mo namalayan na tinahak mo na ang landas ng isang anticristo? Isang mahalagang dahilan nito ay kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, tiyak na hahangarin mo ang katayuan at katanyagan, isasakatuparan mo ang sarili mong adyenda, hanggang sa huli, nang hindi mo namamalayan, sinusundan mo na pala ang landas ng isang anticristo. Kung ang mga taong sumusunod sa landas ng isang anticristo ay hindi magbabago ng landas sa oras, kapag nagkamit sila ng katayuan ay malamang na magiging mga anticristo sila—hindi maiiwasan ang resultang ito. Kung hindi nila malinaw na nakikita ang bagay na ito, nasa panganib sila, dahil nagtataglay ang lahat ng mga tiwaling disposisyon at nagmamahal ang lahat sa reputasyon at katayuan; kung hindi nila minamahal ang katotohanan, napakadali nilang mahuhulog dahil sa reputasyon at katayuan. Kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang lahat ay susunod sa landas ng isang anticristo at mahuhulog dahil sa reputasyon at katayuan, at ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ng sinuman. Sinasabi mo na, “Mayroon lang akong mga pagbubunyag na ito paminsan-minsan, mga pansamantalang pagpapamalas lang ang mga ito. Bagaman may katulad akong diwa sa mga anticristo, naiiba pa rin ako sa mga anticristo dahil wala akong gayong kalaking ambisyon na tulad nang sa kanila. Gayundin, habang ginagawa ko ang aking tungkulin, palagi akong nagninilay sa aking sarili, nagsisisi, at naghahanap ng katotohanan, at kumikilos ako alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung huhusgahan ang aking pag-uugali, hindi ako isang anticristo at hindi ko nais na maging anticristo, kaya hindi ako maaaring maging isang anticristo.” Maaaring hindi ka isang anticristo sa ngayon, subalit matitiyak mo ba na hindi mo susundan ang landas ng isang anticristo at magiging isang anticristo? Magagarantiyahan mo ba iyon? Hindi, hindi mo iyon magagarantiyahan. Kaya, paano mo magagarantiyahan iyon? Ang isa at tanging paraan para gawin ito ay hangarin ang katotohanan. Paano, kung gayon, dapat mo hangarin ang katotohanan? May paraan ka ba para gawin ito? Una, dapat mong kilalanin ang katotohanan na may katulad kang disposisyon sa mga anticristo. Bagaman hindi ka isang anticristo sa ngayon, para sa iyo, ano ang pinakanakamamatay at mapanganib na bagay? Ito ay na nagtataglay ka ng katulad na kalikasang diwa sa mga anticristo. Mabuting bagay ba ito para sa iyo? (Hindi.) Tiyak na hindi. Nakamamatay ito para sa iyo. Samakatuwid, habang pinakikinggan mo ang mga sermong ito na naglalantad sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, huwag mong isiping walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo; maling taglayin ang saloobing ito. Kung gayon, anong uri ng saloobin ang dapat mong taglayin para tanggapin ang mga katunayan at pagpapamalas na ito? Ikumpara mo ang iyong sarili sa kanila, kilalanin na mayroon kang kalikasang diwa ng isang anticristo, at pagkatapos ay suriin ang iyong sarili para malaman kung alin sa iyong mga pagpapamalas at pagbubunyag ang katulad sa mga anticristo. Una, kilalanin mo ang katunayang ito—huwag subukang ibalatkayo o ikubli ang iyong sarili. Ang landas na tinatahak mo ay ang landas ng isang anticristo, kaya alinsunod sa mga katunayan na sabihing ikaw ay isang anticristo; kaya lang ay hindi ka pa tinukoy ng sambahayan ng Diyos bilang gayon at binibigyan ka ng pagkakataong magsisi, iyon lang. Nauunawaan mo ba? Una, tanggapin at kilalanin mo ang katunayang ito, at pagkatapos ang kailangan mong gawin ay lumapit sa Diyos at hingin sa Kanya na disiplinahin ka at pigilan ka. Huwag kang umalis sa liwanag ng presensya ng Diyos o iwan ang Kanyang proteksiyon, at sa paraang ito ay mapipigilan ka ng iyong konsensiya at katwiran kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, at magkakaroon ka rin ng mga salita ng Diyos para tanglawan ka, akayin ka, at pigilan ka. Bukod dito, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu para gabayan ka, para isaayos ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo para magsilbing babala sa iyo at para disiplinahin ka. Paano ka binabalaan ng Diyos? Kumikilos ang Diyos sa maraming paraan. Minsan, idudulot ng Diyos na magkaroon ka ng isang malinaw na pakiramdam sa iyong puso, na magbibigay-daan para malinaw mong mapagtanto na dapat kang pigilan, na hindi ka dapat kumilos nang ayon sa iyong kagustuhan, na kung kumilos ka nang mali, magdudulot ka ng kahihiyan sa Diyos at gagawing hangal ang iyong sarili, at kaya pipigilan mo ang iyong sarili. Hindi ba pagprotekta ito sa iyo ng Diyos? Isang paraan ito. Minsan, sasawayin ka ng Diyos sa iyong kalooban at magpapakita sa iyo ng malilinaw na salita para sabihin sa iyo na ang pagkilos sa ganoong paraan ay kahiya-hiya, na kinasusuklaman Niya ito, na isinumpa ito, ibig sabihin, gumagamit Siya ng malilinaw na salita para sawayin ka para ikumpara mo sa iyong sarili. Ano ang layunin ng Diyos sa pagsaway sa iyo sa ganitong paraan? Ginagawa Niya ito para may maramdaman ang iyong konsensiya, at kapag may nararamdamanan ka na, isasaalang-alang mo ang epekto, kahihinatnan, at ang iyong kahihiyan, at magpipigil ka sa iyong mga kilos at gawi. Kapag nagkaroon ka na ng maraming gayong karanasan, makikita mo na bagaman nakaugat ang mga tiwaling disposisyong ito sa kalooban ng mga tao, kapag nagkaroon na ng kakayahan ang mga taong tanggapin ang katotohanan at malinaw na makita ang katotohanan ng kanilang sariling mga tiwaling disposisyon, magagawa nilang sadyang maghimagsik laban sa kanilang laman; kapag naisasagawa ng mga tao ang katotohanan, nalilinis at nababago ang kanilang satanikong disposisyon. Ang satanikong disposisyon ng tao ay nasisira o nababago—kapag nagagawa mo nang tanggapin ang katotohanan at naisasagawa ang katotohanan, natural na mawawasak at mapapalitan ang iyong satanikong disposisyon. Kapag natikman mo na kung gaano katamis isagawa ang katotohanan, iisipin mo na, “Napakawalanghiya ko noon. Hindi mahalaga kung gaano kawalang pakundangan ang aking mga salita o kung paano ko itinataas ang aking sarili para sambahin ako ng iba, hindi ako nakaramdam ng kahihiyan at wala akong kamalayan pagkatapos. Ngayon, nararamdaman kong mali ang pagkilos sa ganoong paraan at nawalan ako ng dangal, at nararamdaman kong tila maraming mga mata ang nakatutok sa akin.” Gawa ito ng Diyos. Binibigyan ka Niya ng isang pakiramdam, at mararamdaman mo na tila sinasaway mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay hindi ka gagawa ng kasamaan o mananatili sa sarili mong landas. Hindi namamalayan, ang mga paraan mo ng pagtataas at pagpapatotoo sa iyong sarili ay pakaunti nang pakaunti, lalo kang magpipigil sa iyong sarili, at lalo mong mararamdaman na sa ganitong pagkilos kalmado ang iyong puso at payapa ang iyong konsensiya—ito ay pamumuhay sa liwanag, at hindi na kailangang maging balisa o gumamit ng mga kasinungalingan o magagandang salita para ikubli ang iyong sarili. Dati, nagsinungaling ka at ipinagpatuloy ang mga kasinungalingan araw-araw para protektahan ang iyong reputasyon. Sa tuwing magsisinungaling ka, kinailangan mong ipagpatuloy ang kasinungalingang iyon, sa sobrang takot na baka mabunyag mo ang iyong sarili. Ang resulta nito ay ang pagsisinungaling pa nang pagsisinungaling, at nang maglaon ay kinailangan mong sikaping mag-isip nang mabuti para maipagpatuloy ang iyong mga kasinungalingan; namuhay ka sa isang buhay na hindi katulad nang sa tao o nang sa mga demonyo, at sobrang nakapapagod! Ngayon, hinahangad mo na maging isang matapat na tao, at maaari mong buksan ang iyong puso at magsalita ng mga bagay na totoo. Hindi mo na kailangang magsinungaling at ipagpatuloy ang iyong mga kasinungalingan araw-araw, hindi ka na pipipigilan ng mga kasinungalingan, mababawasan ang iyong paghihirap, magiging mas maluwag, malaya, at walang pagkontrol ng sinuman ang iyong buhay, sa kaibuturan ng iyong puso magtatamasa ka ng mga damdamin ng kapayapaan at kagalakan—nalalasap mo ang tamis ng buhay na ito. At habang ninanamnam mo ang tamis ng buhay na ito, ang iyong panloob na mundo ay hindi na mapanlinlang, buktot, o huwad. Sa halip, handa ka na ngayong lumapit sa Diyos, nagdarasal ka sa Diyos at hinahanap ang katotohanan kapag mayroon kang isyu, nagagawa mo itong talakayin sa iba kapag mayroon kang isyu, at hindi ka na kumikilos nang nag-iisa o walang pagpipigil. Lalo mong nararamdaman na ang paraan ng paggawa mo noon ng mga bagay-bagay ay kasuklam-suklam at ayaw mo nang gawin ang mga bagay na tulad niyon. Sa halip, kumikilos ka sa alinmang paraan na naaayon sa katotohanan, may katwiran, at may mga layunin ng Diyos; nagbago ang paraan ng iyong pagkilos. Kapag nagagawa mong makamit ang mga bagay na ito, hindi ba’t ibig sabihin niyon na nakaalis ka na sa landas ng isang anticristo? At kapag nakaalis ka na sa landas ng isang anticristo, hindi ba’t ibig sabihin niyon na tinatahak mo na ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan? Kapag tinatahak mo na ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan at madalas na lumalapit sa Diyos, ang iyong saloobin, layunin, perspektiba, iyong mga mithiin at direksiyon sa buhay ay hindi na sumasalungat sa Diyos, nagsisimula ka nang mahalin ang mga positibong bagay, at nagsisimula ka nang mahalin ang pagiging patas, pagiging matuwid, at ang katotohanan. Kapag nangyari ito, nagsisimulang magbago ang kaibuturan ng iyong puso at ang iyong pag-iisip. Kapag tinahak mo na ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan, maaari ka pa rin bang maging isang anticristo? Maaari mo pa rin bang sadyaing labanan ang Diyos? Hindi, hindi mo magagawa, at wala ka na sa panganib ngayon. Sa pagpasok lang sa kalagayang ito mapupunta ang mga tao sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at sa paghahanap at pagtanggap lang sa katotohanan sa ganitong paraan nila maiwawaksi ang mga problema, pagkontrol, at kaguluhan na dulot ng kanilang satanikong kalikasan at anticristong kalikasan. Tinatahak mo na ba ngayon ang tamang landas sa buhay ng paghahangad sa katotohanan? Kung hindi, magmadali at magsikap nang tahakin ito. Kung hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, mabubuhay ka pa rin sa panganib—ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay nanganganib na matiwalag anumang oras.

Karamihan sa mga tao, habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, ay nakikipaglaban sa sarili nilang anticristong disposisyon, pagod sa pakikipaglaban para sa reputasyon, katayuan, pera at mga interes, pagod ang isip at katawan. Kung gayon, kailan malulutas ang problemang ito? Sa paghahangad lang ng katotohanan at pagkakaroon ng kakayahang tanggapin ang katotohanan mo unti-unting maiwawaksi ang mga paglilimita at paggapos ng iyong anticristong kalikasang diwa at unti-unting mapahihina at mapaglalaho ang iyong satanikong disposisyon, at sa paggawa nito ay magkakaroon ka ng pag-asang mapalaya ang iyong sarili mula sa kapangyarihan ni Satanas. Umiyak na ba kayo nang palihim dahil sa mga bagay na ito, nararamdamang hindi ninyo kailanman kayang magbago, hindi kailanman kayang mahalin ang katotohanan, at hindi kailanman kayang pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at labis na kinamumuhian ang inyong sarili na sinasampal ninyo ang sarili ninyong mukha at umiiyak kayo ng mapapait na luha? Nagawa na ba ninyo ito nang maraming beses? Kung hindi pa ito nagagawa nang maraming beses ng isang tao, hindi ba’t ginagawa siya nitong manhid? Hindi kailanman mapapansin ng gayong tao na siya ay tiwali, at naniniwala pa rin siya na maayos siyang gumagawa, na may kakayahan at talento siya, na nauunawaan niya ang maraming katotohanan, at na kaya niyang pangasiwaan ang maraming bagay nang naaayon sa mga prinsipyo, nakararamdam ng lubos na kapanatagan—ang gayong tao ay manhid, sa tingin niya ay napakagaling niya, at ito ay napakamapanganib para sa kanya! Nakikita na ba talaga ninyo ngayon na napakababa ng inyong tayog, na malayo pa kayo sa pagwawaksi ng inyong mga tiwaling disposisyon, at na nasa panganib pa rin kayo? Ang mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan ay walang ganitong pang-unawa, gayundin ang mga tao na walang gawain ng Banal na Espiritu. Karamihan sa mga tao ay nalilito at naguguluhan, iniisip na hangga’t ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa maayos na paraan at hindi sila gumagawa ng kasamaan, ay hindi nila tinatahak ang landas ng mga anticristo, at hangga’t hindi sila gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan ay hindi sila mga anticristo. Dahil dito, kadalasan sila ay nasa kalagayan ng pagiging manhid, madalas na nalulugod sa kanilang sarili, iniisip na dakila sila at malapit na nilang matamo ang kaligtasan, at na ang landas ng mga anticristo ay walang kinalaman sa kanila. Ang inyong pang-araw-araw na mga panalangin ay magagamit para sukatin kung nasa ganitong kalagayan ba kayo o wala. Ano ang ipinagdarasal ninyo kapag lumalapit kayo sa Diyos araw-araw? Kung araw-araw ay sinasabi ninyong, “O Diyos, mahal Kita! O Diyos, handa akong magpasakop sa Iyo! O Diyos, handa akong tuparin ang atas na ibinigay Mo sa akin! Kaya kong gawin ang tungkulin ko nang tapat, at determinado akong bigyang-kasiyahan Ka at maperpekto Mo. Anuman ang mga pagpapamalas ng anticristo na tinataglay ko o gaano man kaliit ang pagkakakilala ko sa aking sarili, mahal Mo pa rin ako at nais Mo pa rin akong iligtas,” anong pagpapamalas ito? Ito ay pagiging manhid, nagpapahayag lang kayo ng determinasyon, at wala kayong kahit anong pang-unawa sa inyong sariling kalikasang diwa. Nasa yugto kayo ng kasigasigan, at napakalayo pa ninyo sa pagkakaroon ng katotohanang realidad. Gaano kahabang panahon ang lumilipas bago kayo makapagdasal ng isang tunay na panalangin, para sabihin sa Diyos kung ano ang nasa inyong puso, para sabihin sa Kanya ang inyong aktuwal na sitwasyon, para madama ang kapayapaan at kagalakan sa inyong puso, at para madama na kayo ay tunay na nabubuhay sa harap ng Diyos? Sabihin ninyo sa Akin, gaano kahabang panahon ang lumilipas bago ninyo magawa ito nang isang beses? Isang buwan, dalawang buwan, anim na buwan, o isang taon? Kung hindi pa kayo kailanman nakasambit ng isang tunay na panalangin at nagdarasal pa rin kayo tulad ng ginagawa ng mga tao sa mundo ng relihiyon, palaging sinasabi na mahal ninyo ang Diyos, palaging ipinapahayag ang inyong determinasyon, palaging sinasambit ang parehong mga nakasanayang parirala, kung gayon, masyado kayong nagkukulang at wala kayong anumang katotohanang realidad. Karaniwan, ang mga taong tatlo o limang taon nang nananalig sa Diyos ay hindi nagsasabi ng gayong ka-parang bata at kamangmang na mga bagay kapag lumalapit sila sa Diyos, dahil sigurado silang susundin nila ang Diyos, at may pananampalataya rin sila, at malinaw na nilang nauunawaan ang mga katotohanan ng mga pangitain tungkol sa gawain ng Diyos, mga layunin ng Diyos, plano ng pamamahala ng Diyos, at layon ng gawain ng Diyos. Ano ang madalas nilang ipinagdarasal kapag lumalapit sila sa Diyos? Ang isa ay ang makilala nila ang kanilang sarili, at ang isa pa ay ang makapagsalita sila ng ilang totoong salita: O Diyos, may kaunting problema ako ngayon, may nagawa akong pagkakautang sa Iyo, nagkukulang ako sa isang bagay, at hinihingi kong protektahan Mo ako, at na akayin, bigyang-liwanag, at tanglawan Mo ako. Nagsisimulang magsabi ng ilang medyo totoong bagay na nauugnay sa katotohanang realidad ang taong ito, at hindi na siya nagsasabi ng mga pagpapahayag ng determinasyon at islogan na sinasabi ng masisigasig na taong nagsisimula pa lang manalig. Bakit hindi niya sinasabi ang mga bagay na ito? Pakiramdam niya ay walang saysay na sabihin ang mga gayong bagay, na hindi matutugunan ng mga gayong bagay ang kanyang panloob na pangangailangan para sa katotohanan o ang kanyang pangangailangan para sa buhay pagpasok. Gaano karaming taon ka man nang nananalig, iniraraos mo man o taos-puso kang lumalapit sa Diyos kapag nagdarasal sa Kanya, gaano karaming araw sa sampung araw mo sinasabi ang mga hungkag na salita at islogan na iyon? May isang tao na maaaring magsabing isang araw, kung gayon, ano ang dinarasal niya sa nalalabing siyam na araw? Kung nauugnay ang mga panalangin niya sa kanyang tungkulin at buhay pagpasok, ayos iyon, at ipinapakita nito na umaako siya ng ilang pasanin tungo sa katotohanan, tungo sa mga salita ng Diyos, at tungo sa sarili niyang tungkulin, at hindi na siya masyadong manhid. Ano ang ibig Kong sabihin sa “hindi na siya masyadong manhid”? Ang ibig Kong sabihin ay kapag nababanggit ang mga bagay na may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon at iba’t ibang kalagayan ng mga tao, may nararamdaman at may kamalayan siya, at nakauunawa rin siya. Nagagawa niyang magkamit ng pang-unawa at pag-arok, at nauunawaan niya ang mga bagay na ito gaano man ito ipaliwanag at halos nakaaayon siya sa mga ito—ipinakikita nito na nagkamit siya ng kaunting tayog. Anu-anong pagpapamalas ang ipinapakita ng mga manhid na tao? Araw-araw ay namumuhay sila nang ganoon, hindi nagsusumikap at hindi umuunlad, at iyon ang dahilan kung bakit palagi nilang sinasabi ang parehong mga lumang bagay kapag nagdarasal sila sa Diyos. Hindi talaga nila nauunawaan ang buhay pagpasok, wala silang espirituwal na pang-unawa, wala silang nararamdaman, wala silang reaksiyon gaano karami man ang pakinggan nilang sermon, at gaano man makipagbahaginan ang isang tao sa kanila tungkol sa katotohanan, pakiramdam nila ay paulit-ulit at magkakapareho lang ang ibig sabihin ng lahat. Kaya, may masasabi ba sila sa Diyos? Nakasalalay ang idinarasal at sinasabi ng mga tao kapag lumalapit sila sa Diyos sa mga salita sa kanilang puso na gusto nilang sabihin sa Diyos, at pakiramdam nila ay talagang kailangan nilang sabihin ang mga bagay na ito sa Diyos. Sa iyong puso, dapat kahit papaano ay may pang-unawa ka sa mga hinihingi ng Diyos, sa mga problemang kinakaharap mo, at kung paano mo dapat tugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Kung walang laman ang iyong puso, at ang magagawa mo lang ay magsabi ng ilang salitang kaaya-ayang pakinggan at ilang islogan at doktrina, at nagdarasal ka lang nang pabasta-basta, hindi iyon panalangin. Kung nanumpa ka ng iyong katapatan noong lahat ng taong iyon subalit wala ka man lang nagawang anumang praktikal na bagay, at sa huli ay malamang na ipagkakanulo mo pa rin ang Diyos, itatanggi ang Diyos, at aatras ka anumang oras, nagpapakita ito na wala kang tayog. Kung, kapag lumapit kayo sa Diyos para magdasal ngayon, ay mapananatili mong may kaugnayan ang malaking bahagi ng relasyon mo sa Diyos sa mga hinihingi Niya at sa iyong sariling pagbabagong disposisyonal, pagkatapos ay maitatatag ang iyong relasyon sa Diyos, hindi mo tatahakin ang landas ng isang anticristo, at nangangahulugan itong tinatahak mo na ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos.

Malinaw na ba sa inyo ngayon ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili, gayundin sa mga depinisyon ng kalikasan ng gayong pag-uugali? Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga pagpapamalas ng mga anticristo at ng mga pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon ng mga ordinaryong tao? Magagawa ba ninyong magkumpara kapag tunay nang nakahaharap ang isang isyu? Maituturing mo ba ang mga pagpapamalas ng mga anticristo bilang mga pagpapamalas ng mga ordinaryong tiwaling tao, at kabaliktaran? Paano mo dapat tukuyin ang pagkakaiba ng dalawang bagay na ito? Ang paghuhusga sa disposisyon ng isang tao sa pamamagitan ng patuloy nilang pagpapamalas at pagbubunyag at paghuhusga sa kanilang diwa mula sa kanilang disposisyon ay isang tumpak na paraan para gumawa ng depinisyon tungkol sa kanila. Hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan at hindi nila dinadakila ang Diyos; itinataas at pinatototohanan lang nila ang kanilang sarili. Ang pagpapamalas na ito ay lubos na halata at kitang-kita, at ganap itong pinangingibabawan ng kanilang satanikong kalikasan. Bagaman itinataas at pinatototohanan din ng mga ordinaryong tao ang kanilang sarili, kapag nakikipagbahaginan ka ng katotohanan sa kanila, nagagawa nilang tanggapin ito at kilalanin na ang Diyos ay katotohanan, at kaya nilang tanggapin ang katotohanan, iyon nga lang ay hindi napakabilis o napakadaling nangyayari ang pagbabago para sa kanila—ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tao. Ngayong nasabi na ito, nagiging madali na ba ang pagkilatis sa pagitan nila? May katangian ang mga anticristo: Kapag hindi nila minamahal ang katotohanan o tinatanggihan ang katotohanan, direkta ba nilang itinatanggi ito? (Hindi.) Anong kaparaanan ang ginagamit nila para tanggihan ang katotohanan para makita mong hindi nila kinikilala ang katotohanan? Makikipagtalo sila para pabulaanan ka, sinasabi na ang iyong ibinabahagi ay hindi ang katotohanan, at na ang ibinabahagi lang nila ang katotohanan. Halimbawa, nagpapatotoo sila sa kanilang sarili at may naglantad sa kanila, at pagkatapos, aling mga pagpapamalas ang ipinapakita nila na nagbibigay-daan sa iba na pagtibayin na hindi nila minamahal o tinatanggap ang katotohanan? Ang pakikipagtalo at pagsisikap na ipagtanggol ang kanilang sarili ay isa, at mayroon ding pagtatago sa tunay na katotohanan, at ang katotohanang iyon ang kanilang adyenda. Ang adyenda nila ay ang magpatotoo sa kanilang sarili para tingalain sila ng iba. Hindi nila ipaaalam sa iyo ang kanilang adyenda; magsasabi lang sila ng mga mali at kasiya-siyang bagay, makikipagtalo, lolokohin ka, lilituhin ka, para sa huli ay masasabi mong hindi sila nagpapatotoo sa kanilang sarili, at pagkatapos ay makakamit nila ang kanilang layunin. Nagsasalita sila ng mga huwad at kasiya-siyang bagay, nakikipagtalo, nanloloko ng mga tao, hindi nila kinikilala na nagpapatotoo sila sa kanilang sarili, hindi nila tinatanggap ang iyong pagsisiwalat sa kanila, hindi nila tinatanggap ang pagsaway mo, mas hindi nila tinatanggap ang pagkakatukoy sa kanila sa katunayang ito. Hindi talaga nila ito tinatanggap, at nagdadahilan pa nga, sinasabi na, “Hindi ako nagpapatotoo sa aking sarili. May dahilan at konteksto sa pagsasabi ko ng ganoon. Ang pagsasabi ng ilang hindi naaangkop na mga bagay sa sitwasyong iyon ay ganap na normal at hindi isang problema. Maituturing ba itong pagpapatotoo sa aking sarili? Higit pa rito, ginawa ko na ang lahat ng gawaing ito at kahit na hindi ako nagkamit ng pagkilala, nagdusa pa rin ako para gawin ito. Hindi isang malaking bagay kung tinitingala at sinasamba ako ng ilang tao.” Hindi nila iniisip na ang gayong kahiya-hiyang pag-uugali, ang gayong kasuklam-suklam na kilos, ay isang malaking bagay—ito ba ay saloobin ng pagtanggap sa katotohanan? Hindi sila nakararamdam ng kahihiyan dahil sa masasamang gawa na ito, at iniisip pang dakila ang kanilang sarili—ito ang diwa ng masasamang tao. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay ganap na naaangkop at na ito ang dapat nilang gawin. Iniisip nila na, “Ginagawa ko ito dahil may ganito akong kakayanan—karapat-dapat ba ang ibang tao na gawin ito? Nakamit ko ang suporta ng lahat, naggugol ako ng labis na pagsisikap sa paggawa ng gawain ng iglesia, nakagawa ako ng napakalaking kontribusyon sa sambahayan ng Diyos at nag-ako ng napakalaking panganib! Makatarungan ba kung hindi mo ako bibigyan ng gantimpala at benepisyo? Hindi ba’t matuwid ang Diyos? Hindi ba’t ginagantihan Niya ang bawat tao ayon sa kanilang mga kilos? Kung gayon, hindi ba ako karapat-dapat sa suporta ng lahat dahil sa paggawa ng lahat ng mga kontribusyong ito at pag-ako ng lahat ng panganib na ito?” Iniisip nilang dapat silang makakuha ng kapalit sa paggawa ng kanilang tungkulin, at na ang pinakamababang gantimpala dapat ay ang suporta ng lahat at ang pagtatamasa ng katapatan, karangalan, at mga benepisyong nararapat sa kanila. Isa ba itong saloobin ng pagtanggap sa katotohanan? (Hindi.) Kaya, ano ang katotohanan dito? Halimbawa, sinasabi mo sa kanila na, “Gaano man sila nagdurusa, ang mga tao ay mga nilikha, at dapat silang magdusa dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Ang pagdurusa habang ginagawa ang tungkulin ng isang tao ay isang paraan lang kung saan nagdurusa ang mga tao. Gaano man tayo kahusay o anumang mga kaloob ang tinataglay natin, hindi tayo dapat mag-aasam ng anumang gantimpala o subukang makipagkasunduan sa Diyos.” Hindi ba’t ito ang katotohanan? Ito ang pinakabatayan na katotohanan na dapat maunawaan ng mga nilikha. Gayunpaman, matatagpuan ba ang katotohanang ito sa kanilang mga pilosopiya para sa makamundong pakikitungo, at sa kanilang mga kaisipan at pananaw? (Hindi.) Tinatanggap ba nila ang katotohanang ito kapag naririnig nila ito? Hindi, hindi nila ito tinatanggap. Ano ang kanilang saloobin? Naniniwala sila na ang pananatili sa sambahayan ng Diyos ay tulad ng pananatili sa mundo, na dapat silang gantimpalaan nang naaayon sa kanilang paggawa, na dapat silang makakuha ng isang bagay para sa pagganap ng kanilang tungkulin, at na kung sila ay mag-aako ng kaunting panganib, dapat silang tumanggap ng mga benepisyo at biyaya na karapat-dapat sa kanila. Ang pagtupad ng isang tao ng tungkulin ay responsabilidad at obligasyon ng bawat tao, at walang kasamang kabayaran ito. Tinatanggap ba ng mga anticristo ang katotohanang ito? Ano ang kanilang saloobin? Mapanlait at mapanlaban sila, sinasabi na, “Kayong mga tanga, maging ito tinatanggap ninyo! Iyan ba ang katotohanan? Hindi iyan ang katotohanan, panloloko lang iyan sa mga tao. Ang pagiging patas at pagkakapantay-pantay ng mga tao—iyan ang katotohanan!” Anong uri ng bagay ito para sabihin? Ito ang lohika at ang maling pananampalataya at panlilinlang ni Satanas. At maililigaw ba ng mga ito ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan? Madali silang maililigaw ng mga ito! Ang ilang tao ay mahihina, hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang may kaugnayan sa pagganap ng tungkulin ng isang tao, at kulang sila sa kakayahan at abilidad sa pag-arok, at wala silang gaanong pananampalataya, at kapag nakaririnig sila ng gayong mga bagay, pakiramdam nila ay may ganap na katuturan ang mga ito, at iniisip nila na, “Oo nga naman. Paano ako naging sobrang tanga? Sa wakas ay nakatagpo ako ngayon ng isang taong nakauunawa. Tama ang sinasabi nila!” Ang mga taong ito ay nakikinig lang at tumatanggap ng mga bagay na mukhang makatwiran at naaayon sa kanilang mga kuru-kuro; hindi nila hinaharap ang mga salita ng Diyos nang naaayon sa prinsipyo na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Alinsunod man ang mga salita ng Diyos sa damdamin ng mga tao, sa pag-iisip at lohika ng mga tao, sa mga kaugalian at gawi o tradisyonal na kultura ng mga tao, pinal ang mga salita ng Diyos, at bawat salita ng mga ito, mula sa simula hanggang sa katapusan, ay katotohanan. Hindi kinakailangan ng mga salita ng Diyos ang sinuman para kuwestiyunin o suriin ang mga ito, at pinaniniwalaan mang tama o mali ng sangkatauhan ang mga ito, o kung matatanggap man ng sinuman ang mga ito, ang mga salita ng Diyos ay walang-hanggang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay hindi kinakailangang pumasa sa pagsubok ng panahon, at hindi kinakailangan ang sangkatauhan para patunayan ang mga ito sa pamamagitan ng karanasan—ang mga salita ng Diyos ay katotohanan. Ito ba ang iniisip ng mga anticristo? Iniisip nila na, “Dapat ding maging makatwiran ng Diyos! Ano ang ibig sabihin ng pagiging matuwid ng Diyos? Hindi ba’t ang mga nagdurusa nang labis at may mataas na kakayahan ang nakatatanggap ng malalaking gantimpala, at ang mga nagdurusa nang kaunti, hindi gaanong mahusay, at hindi nakapag-aambag ang tumatanggap ng kaunting gantimpala?” Sinasabi ba ito ng Diyos? (Hindi.) Hindi ito sinasabi ng Diyos. Ano ang sinasabi ng Diyos? Sinasabi ng Diyos na ang pagganap ng tungkulin ng isang tao ay bokasyon ng bawat tao, na ang pagganap ng kanyang tungkulin ay may mga kaakibat na sarili nitong prinsipyo, na dapat gampanan ng lahat ang kanilang tungkulin alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at na ito ang dapat gawin ng mga nilikha. May binanggit bang anuman tungkol sa kabayaran dito? Anumang pagbanggit ng gantimpala? (Wala.) Walang binanggit na kabayaran o gantimpala—ito ay isang obligasyon. Ano ang ibig sabihin ng “obligasyon”? Ang obligasyon ay isang bagay na dapat gawin ng mga tao, isang bagay kung saan hindi naaangkop ang mabigyan ng gantimpala nang ayon sa paggawa ng isang tao. Hindi kailanman itinakda ng Diyos na ang sinumang gumaganap ng kanilang tungkulin nang madalas ay dapat tumanggap ng malaking gantimpala, at na ang sinumang hindi gaanong gumaganap ng kanilang tungkulin o gumaganap nito sa paraang hindi mabuti ay dapat tumanggap ng kaunting gantimpala—hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong bagay. Kaya, ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Sinasabi ng Diyos na ang pagganap ng tungkulin ng isang tao ay ang bokasyon ng bawat tao at ito ay isang bagay na dapat gawin ng mga nilikha—ito ang katotohanan. Ganito ba ang pagkakaunawa ng mga anticristo? Paano nila tinatrato ang mga salitang ito ng Diyos? Tatratuhin nila ang mga ito sa ibang paraan. Mula sa perspektiba ng kanilang mga sariling interes, magkakaroon sila ng isang baluktot na interpretasyon sa mga salita ng Diyos. Para maging tumpak, minamanipula nila ang mga salita ng Diyos, ginagamit ang sarili nilang mga kaparaanan at pagkaunawa para baguhin ang mga salita at katotohanan ng Diyos sa ibang interpretasyon. At ano ang kalikasan ng gayong interpretasyon? Ito ay kapaki-pakinabang sa kanila, maaari nitong iligaw ang mga tao, at maaari nitong pukawin at akitin ang mga tao. Binabago nila ang mga salita ng Diyos sa kanilang paraan ng pananalita, na para bang ang mga ito ay mga katotohanan na kanilang ipinahahayag, at pagkatapos sabihin ng Diyos ang isang bagay, kailangan nilang baguhin ang paraan ng pagsasabi nito ng Diyos at ang mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos sa kanilang sariling paraan. Katotohanan pa rin ba ito pagkatapos nilang baguhin ito sa sarili nilang paraan? Hindi, hindi ito katotohanan—ito ay isang panlilinlang at maling pananampalataya. Magagawa ba ninyong kilatisin ang bagay na ito? (Oo, medyo.) Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, may ilang tao na nagkamit ng kaunting pagkilatis. At ano ang diwa ng pagsalungat at pagtanggi ng mga anticristo sa katotohanan? (Ito ay pagmamanipula at pagkakaroon ng baluktot na interpretasyon sa mga salita ng Diyos.) At ano ang layunin nila sa pagmamanipula at pagkakaroon ng isang baluktot na interpretasyon sa mga salita ng Diyos? Ito ay para hindi tanggapin ng mga tao ang katotohanan at sa halip ay tanggapin ang kanilang mga panlilinlang at maling pananampalataya. Binabaluktot nila ang katotohanan ayon sa kanilang kaisipan at lohika, kanilang mga interes at pananaw, at kanilang mga kuru-kuro. Nagiging kapaki-pakinabang ito sa kanila, at magagawa rin nilang pukawin at iligaw ang ilang taong hangal at mangmang, at ang hindi nakauunawa sa katotohanan. Marahil ay tila tama ang mga salitang ito sa iyo sa unang pandinig mo, subalit kung susuriin mong mabuti ang mga ito, matatagpuan mo ang mga ambisyon at pakana ni Satanas na nakatago sa loob ng mga ito. Ano ang layunin ng kanilang mga ambisyon at pakana? Ang layunin nila ay para makinabang sila, para maipagtanggol ang mga sarili nilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay at pag-uugali, para himukin ang mga tao na gumawa ng isang mabuting pagtatasa sa kanila, para baguhin ang kanilang pangit at masamang pag-uugali tungo sa tamang pag-uugali at mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay na alinsunod sa katotohanan. Sa ganitong paraan, naniniwala silang hindi sila tatanggihan ng mga tao, at hindi sila kokondenahin ng Diyos. Marahil ay maililigaw nila ang iba para hindi sila tanggihan ng mga tao, pero mapipigilan ba nila ang Diyos na kondenahin sila? Mababago ba ng tao ang diwa ng Diyos? (Hindi.) Dito naging pinakamangmang ang mga anticristo. Gusto nilang gamitin ang galing nila sa pagsasalita at “matalinong utak” nila para mag-isip ng uri ng panlilinlang at maling pananampalataya para manipulahin ang katotohanan para patatagin ang kanilang pahayag, at sa gayon ay matanggihan ang mga pananalita ng Diyos at mapabulaanan ang pag-iral ng katotohanan—hindi ba’t sila itong nag-iisip nang mali? Makakamit ba nila ang layunin nila? (Hindi.) Tinatanong ng ilang tao kung ano ang maaaring gawin kapag inililigaw ng isang anticristo ang ilang tao. Kung ang gayong mga tao ay talagang nailigaw at hindi nagawang makapagbago ng landas, nangangahulugan ito na sila ay naisiwalat at itiniwalag, at nararapat lang iyon. Ito ay sila na mapapahamak at hindi makatatakas; nakatadhana silang mamamatay, at hindi kailanman pinlano ng Diyos na iligtas ang mga taong katulad nila. Pumapasok sila sa iglesia habang nagpapanggap at gumaganap ng ilang trabaho at nagtatamasa ng ilang biyaya, at kapag ayaw na sa kanila ng Diyos, ibinibigay sila ng Diyos kay Satanas. Nagkataon lang na nakarinig sila ng isang maling pananampalataya at panlilinlang, at nang marinig nila ito ay pumalakpak sila at sinang-ayunan ito, at pagkatapos ay sumunod sila kay Satanas. Ano ito? Ito ay paggamit kay Satanas para magserbisyo. May isang talata sa Aklat ng Pahayag na nagsasabing, “Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay magpakarumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa” (Pahayag 22:11). Nangangahulugan ito na pinaghihiwalay ang mga tao alinsunod sa kanilang sariling uri. Pagdating sa mga taong sumusunod sa mga anticristo, ito ba ay panandaliang kawalang-ingat sa kanilang bahagi? Dahil ba ito sa hindi nagbabantay ang Diyos? Itinadhana silang mamamatay! Pagkatapos makihalubilo sa gayong mga tao sa loob ng ilang panahon, makikita mo na hindi sila karapat-dapat na iligtas—masyado silang kahabag-habag! Batay sa kanilang karakter at paghahangad nila sa katotohanan, buktot ang kanilang kalikasan at tutol sa katotohanan, at hindi sila karapat-dapat na mailigtas, hindi sila karapat-dapat na magmana ng gayong napakalaking biyayang mula sa Diyos. Kung hindi ibibigay sa kanila ng Diyos ang biyayang ito, hindi nila ito matatanggap, kaya ang pinakatumpak na paraan ng pagbubuod sa kanila sa dalawang salita ay “nakatadhanang mamatay.”

Ang pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay isang pangunahing pagpapamalas ng mga anticristo, at ang pagtukoy sa kanilang diwa alinsunod sa pagpapamalas na ito ay napakaangkop at kongkreto—hindi ito isang hungkag na depinisyon. Sa pagtingin sa kanilang mga adyenda, ambisyon, mga pagbubunyag ng kanilang diwa, at magkakatulad na layunin ng kanilang mga pagkilos, makikita ng isang tao na ang pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay isang katangiang pagpapamalas ng mga anticristo. May mga anticristo ba na hindi kailanman nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili? (Wala.) Bakit wala? Dahil napakalaki ng kanilang mga ambisyon at pagnanais, at hindi nila makontrol ang mga ito. Kahit anong grupo ng mga tao pa ang kasama nilang naninirahan, kung walang nagtataas at sumasamba sa kanila, pakiramdam nila ay walang halaga o kahulugan ang buhay, kaya naman sabik na sabik silang itaas at patotohanan ang kanilang sarili para makamit ang kanilang mga layunin. Nabubuhay sila para higitan ang iba, at nangangailangan ng mga tao na sumasamba at sumusunod sa kanila, at kahit na ang mga taong iyon ay tulad ng mga nakaiinis, nakasusuklam na langaw o mga grupo ng mga pulubi, wala silang pakialam. Hangga’t may mga taong sumasamba at sumusunod sa kanila, panatag sila. Kung makatatanggap sila ng masigabong palakpakan mula sa mga tagahanga tulad ng sa mga sikat na mang-aawit, magiging sobrang saya nila, gustung-gusto nilang tinatamasa iyon—ito ang kalikasan ng mga anticristo. Anumang uri ng mga tao ang sumusunod o sumasamba sa kanila, gusto silang lahat ng mga anticristo. Kahit na ang mga taong sumusunod sa kanila ay ang pinakakahabag-habag at kasuklam-suklam, kahit na sila ay mga hayop, hangga’t itinataas sila ng mga ito at tinutugunan ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais para sa katayuan, walang pakialam ang mga anticristo. Kaya, makakaya bang pigilan ng mga anticristo ang kanilang sarili sa pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili, at pagpapasikat saan man sila magpunta? (Hindi.) Ito ang kanilang diwa. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng mga tao ang mga tunay na sumusunod sa Diyos? Sa sangkatauhan, may isang uri ng tao na gustong piliin at iligtas ng Diyos, at ang mga taong ito ay may pinakamababang antas ng konsensiya, katwiran, at kahihiyan. Iyong mga medyo mas mabuti kaysa rito ang may kakayahang magmahal sa katotohanan, magmahal sa mga positibong bagay, at magmahal sa pagiging patas at pagiging matuwid ng Diyos; kaya nilang kamuhian ang kabuktutan, nagagalit sila kapag nakakikita sila ng hindi makatarungan o buktot na mga bagay, at kahit na wala silang magawa sa mga bagay na ito, namumuhi pa rin sila sa mga ito—ito ang mga taong gusto ng Diyos, sa pinakamababa. Para sa mga hindi nagtataglay ng pagkatao at diwang ito, hindi sila gusto ng Diyos, gaano man sila magsalita tungkol sa kabutihan ng Diyos o kung gaano kadakila ang Diyos. Halimbawa, ang mga Pariseo sa relihiyon ay dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Diyos gamit ang magkakatulad na luma at hungkag na mga teorya at mabababaw na salita, at hindi sila nagsasawang sabihin ang mga ito kahit pagkatapos ng dalawang libong taon. Ngayon ay naghahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan subalit hindi nila nakikita ang mga ito, hindi nila pinapansin ang mga ito, at ang ilan ay kinokondena pa nga at nilalapastangan ang mga ito. Ganap silang ibinubunyag nito, at matagal na silang tinukoy ng Diyos bilang mga mapagpaimbabaw na Pariseo, lahat sila ay bahagi ng grupo ni Satanas; itinalaga sila ng Diyos bilang mga demonyo at Satanas, baboy at aso. Kapag dumarating ang mga anticristo sa gayong grupo ng mga tao at nakikita na kakaunti sa kanila ang nakauunawa sa katotohanan, na wala sa kanila ang may anumang pagkilatis o talento, nagmamadali silang samantalahin ang pagkakataong ito para magpasikat. Ipinagyayabang ng ilan na minsan silang sabay na natanggap sa dalawang world-class na mga unibersidad, at hindi nagpunta sa huli dahil nagsimula silang manalig sa Diyos at tinanggap ang Kanyang atas. Pagkatapos na marinig silang sabihin ito, may ilang tao ang nagsisimulang tingalain sila. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at kung ang mga bagay na minamahal mo at ang iyong pananaw sa mundo ay katulad ng sa mga makamundong tao, sasambahin mo ang mga taong tulad nito, at iyon ang dahilan kung bakit kapag nagsasalita ang mga anticristo ng mga gayong bagay, maililigaw at maloloko ka nila. Palihim na itinataas ng mga anticristo ang sarili nila sa ganitong paraan, at ang mga hangal na tao na iyon na walang pagkilatis ay naililigaw nila. Nagiging lubos na masaya ang mga anticristo, iniisip na walang sinuman sa ilalim nila ang ordinaryo, gayong ang katunayan ay ang mga taong iyon ay pawang isang grupo lang ng mga gulong-gulo at walang kuwentang tao. Iyong mga walang kakayahang makaarok sa katotohanan ay maaaring mailigaw lahat ni Satanas at ng mga anticristo. Kapag naririnig nilang nagsasalita si Satanas at ang mga anticristo, pakiramdam nila ay talagang tumutugma ito sa kanilang sariling mga kaisipan at panlasa, kaya’t nasisiyahan silang makinig dito. Hindi nila kayang gumamit ng normal na pag-iisip para gumawa ng paghusga tungkol sa kung ano ang pinakikinggan nila, at hindi rin sila maghahanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan para tulungan silang kilatisin ang gayong mga bagay; hangga’t sa palagay nila ay tila makatwiran ang pinakikinggan nila, maluwag sa loob nilang tatanggapin ito, at sa gayon ay naililigaw sila nang hindi man lang nila namamalayan. Kung naririnig ng may mga kakayahang makaarok sa katotohanan at may pagkilatis na magsalita ang mga anticristo, malalaman nila na sinusubukan ng mga taong iyon na iligaw ang iba at tatanggihan nila ang mga ito. Ang mga naguguluhang tao na walang pagkilatis ay maniniwalang ang mga anticristo ay may karunungan, may mahusay na kakayahan, at may mga pag-asa. Makikita nila ang mga bagay sa ganitong paraan, at maililigaw ng ilang mababaw na penomena; hindi nila malalaman kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, at aalis sila para sundan si Satanas. Hindi ba’t ang gayong mga tao ang nagdudulot sa sarili nilang pagkawasak dahil sa kanilang kahangalan at kamangmangan? Ganito nga ito. Kung mayroon kang pagkilatis sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na madalas na nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili, o sa iba’t ibang paraan ng paggawa nila nito, at magagawa mong husgahan ang layunin at adyenda sa likod ng kanilang mga salita, magiging madali para sa iyo na makita ang diwa ng mga anticristo, at magagawa mo na silang tanggihan at isumpa kaagad, at hindi na sila kailanman makikitang muli. Bakit mo gagawin ito? Dahil kapag nakikita mong nagsasalita at kumikilos ang mga anticristo, mapopoot at mamuhi ka sa kanila, masusuklam ka na parang tumitingin ka sa mga langaw at kakailanganing itaboy sila sa lalong madaling panahon. Samakatwid, kapag may pagkilatis ka na ng mga kilos at pag-uugali ng mga anticristo, dapat mo silang isiwalat kaagad para makilatis sila ng iba, at pagkatapos ay patalsikin sila sa iglesia alinsunod sa mga prinsipyo. Mangangahas ba kayong gawin ito? Kung magagawa ito ng hinirang na mgatao ng Diyos, ipinakikita nito na lumago na ang tayog nila, at na kaya nilang magpakita ng pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos at mapangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kapag nauunawaan ng mga hinirang na tao ng Diyos ang katotohanan at nagtataglay ng pagkilatis, hindi na magkakaroon ng katatayuan ang mga anticristo sa iglesia o sa sambahayan ng Diyos.

Anuman ang okasyon, hangga’t may pagkakataon ang mga anticristo, magpapasikatkitang-gilas sila at magpapatotoo sa kanilang sarili, at hangga’t may mga tao na sumasamba sa kanila at tumitingin sa kanila nang may paghanga, inggit, at paggalang, magiging masaya sila—wala silang pakialam kung sino ang mga taong iyon. May mga hinihingi ba silang pamantayan mula sa mga taong sumusunod, sumasamba, at humahanga sa kanila? (Wala.) Mga hangal, mga may kakulangan sa pag-iisip, masasamang tao, o mga hindi mananampalataya man ang mga taong iyon, anong uri man ng mga tao sila, kabilang maging ang mga taong dapat paalisin at itiwalag, hangga’t kaya silang sundin, sambahin, at dakilain ng mga taong iyon, tinatanggap sila ng mga anticristo, gustong-gusto sila ng mga anticristo, at hinihila sila sa panig ng mga anticristo at pinaprotekhan sila. Itinuturing ng mga anticristo ang mga taong iyon bilang kanilang mga tupa, bilang kanilang personal na pag-aari, at hindi nila pinahihintulutan ang sinuman na ilipat sila, isiwalat sila, o pangasiwaan sila. Gaano man sumipsip o magpalakas ang mga taong iyon sa mga anticristo, anumang nakasusuka at nakasusuyang bagay ang kanilang sabihin, ikasisiyang lahat ito ng mga anticristo; ayos lang lahat ito sa mga anticristo hangga’t binobola sila ng mga taong iyon. Ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga anticristo ay para tingalain, gustuhin, at sundin sila ng ibang tao, at gaano man karaming masasamang bagay ang gawin ng mga taong sumusunod sa kanila, hindi sisiyasatin ng mga anticristo ang mga ito, at wala silang pakialam gaano man katuso at mapaghangad sa kasamaan ang pagkatao ng mga ito. Hangga’t sinusunod at sinasamba sila ng mga taong iyon, magugustuhan sila ng mga anticristo, at hangga’t napananatili ng mga taong iyon ang kapangyarihan at katayuan ng mga anticristo, at hindi sila nilalabanan o sinasalungat, makararamdam ng labis na kasiyahan ang mga anticristo—ganyan ang mga anticristo. Sa kabilang banda, paano tinatrato ng mga anticristo iyong mga taong laging nagsisiwalat sa kanila at humahadlang sa kanila sa pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili, at humahamak sa kanila sa paggawa nito, gayundin ang mga nakikipagbahaginan ng katotohanan sa kanila, ang nakakikita sa diwa ng kanilang mga problema, at may tunay na pagkilatis sa kanila? Agad silang nagagalit dahil sa kahihiyan, at nag-iingat sila laban sa, ibinubukod, at inaatake ang mga taong iyon, sa wakas ay nag-iisip ng mga paraan para ihiwalay iyong mga nakakikilatis at lumalaban sa kanila. Ano ang dahilan kung bakit nila ginagawa ito? Ito ay dahil kapag itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili, palagi nilang iniisip na ang mga taong iyon ay masakit sa mata at mga tinik sa kanilang tagiliran, at na kikilatisin at tatanggihan sila ng mga taong iyon, ilalantad sila, at sisirain ang magandang bagay na mayroon sila. Sa sandaling makita nila ang mga taong iyon, makararamdam ang mga anticristo ng pagkabalisa sa kanilang puso at palaging gugustuhing pangasiwaan ang mga taong iyon, iniisip na hangga’t kaya nilang pangasiwaan ang mga taong iyon, kapag itinataas at pinatototohanan nilang muli ang kanilang sarili, walang sinuman ang maglalantad o hahadlang sa kanila, at walang humpay sila makagagawa ng kasamaan. Ito ang prinsipyo kung saan kumikilos ang mga anticristo. Anuman ang uri ng mga tao na nambobola, pumupuri, o nagtataas sa kanila, alinsunod man ang sinasabi ng mga taong iyon sa mga katunayan, kahit na nagsasabi sila ng mga kasinungalingan, handa silang tanggapin ng mga anticristo, masisiyahan ang mga anticristo na makinig sa mga taong iyon, at magugustuhan nila ang mga taong iyon mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Wala silang pakialam kung ano ang mga problema ng mga taong iyon, at kahit na matuklasan nila ang mga isyu sa mga taong iyon, itatago nila ang mga ito, pagtatakpan ang mga ito, at walang ibang pagsasabihan ng tungkol sa mga ito. Hangga’t nasa tabi ng mga anticristo ang mga taong iyon, sinusundan at binobola sila, ikasisiya nila ito. Ganito ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay-bagay. Kaya ba ninyong gawin ang mga bagay na ito na ginagawa ng mga anticristo? Halimbawa, sabihin na mga lider at manggagawa kayo sa iglesia, mga taong may katayuan at reputasyon sa mga hinirang na tao ng Diyos. Kung tinitingala ka ng mga kapatid, binobola ka, sumisipsip sa iyo, at madalas kang pinupuri, sinasabing nagbibigay ka ng magagandang sermon, na maganda ang iyong itsura, at na para sa kanila ikaw ang pinakamahusay na lider, ano ang mararamdaman mo? Makikilatis mo ba ang layunin sa likod ng kanilang mga salita? Matatanggihan at maiiwasan mo ba ang gayong mga tao? Kung hindi, nasa panganib ka. Malinaw na alam mong hindi ganoon kaganda ang itsura mo, na hindi mo nagagawang magbahagi ng katotohanang realidad, subalit natutuwa ka pa rin kapag naririnig mong binobola ka ng mga tao sa ganitong paraan, at palaging ginugustong mapalapit at maitaguyod ang gayong mga tao, hindi ba ibig sabihin noon na may problema ka? Nangangahulugan itong nasa panganib ka.

Kapag nagtatrabaho ang mga lider at manggagawa, minsan ay nabibigyang-liwanag at natatanglawan sila ng Banal na Espiritu, makapagsasalita sila ng ilang tunay na karanasan, at natural na magkakaroon sila ng mga taong tumitingala at sumasamba sa kanila, natural na magkakaroon sila ng mga taong sumusunod sa kanila, na hindi maihihiwalay sa kanila tulad ng sarili nilang anino—sa mga panahong tulad nito, paano nila dapat harapin ang mga bagay na ito? Ang lahat ay may kanya-kanyang kinikilingan, lahat ay banidoso; kung maririnig ng mga tao ang iba na nagsasalita nang may pagsang-ayon at papuri sa kanila, lubos silang masisiyahan. Isa itong normal na bagay na maramdaman at hindi isang malaking bagay. Gayunpaman, kung itataas nila ng ranggo ang sinumang kayang magbigay ng sobrang papuri sa kanila, at bobolahin sila, at inilalagay nila ang isang tulad nito kung saan sila may kaunting pakinabang, mapanganib iyon. Ito ay dahil ang lahat ng mga taong mahilig mambola at labis-labis na pumuri sa iba ay sobrang tuso at mapanlinlang, at hindi sila matapat o totoo. Sa sandaling magkamit ng katayuan ang gayong mga tao, wala silang pakinabang sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos o sa gawain ng iglesia. Ang mga taong ito ay tuso, at sila ang pinaka may kakayahang guluhin ang mga bagay-bagay. Iyong mga taong medyo matuwid ay hindi kailanman nagbibigay ng labis-labis na papuri sa iba. Kahit pa sinasang-ayun ka nila sa kanilang puso, hindi nila ito sasabihin nang malakas, at kung natuklasan nilang mayroon kang mga kapintasan o na nakagawa ka ng pagkakamali, ipapaalam nila ito sa iyo. Ang ilang tao, gayunpaman, ay ayaw ng mga prangkang tao, at kapag may nagsabi ng kanilang mga kapintasan o sinasaway sila, pagmamalupitan at ibubukod nila ang taong iyon, at gagamitin pa ang mga kapintasan at pagkukulang ng taong iyon para patuloy siyang hatulan at kondenahin. Sa paggawa nito, hindi ba’t pinagmamalupitan at sinasaktan nila ang mabubuting tao? Ang paggawa ng mga bagay na tulad nito at pag-uusig sa gayong mabubuting tao ay mga bagay na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Ang pag-uusig sa mabubuting tao ay isang masamang bagay na gawin! At kung ang isang tao ay umuusig sa napakaraming mabubuting tao, isa siyang diyablo. Dapat tratuhin ng mga lider at manggagawa ang lahat nang patas at may pagmamahal, at dapat nilang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Lalo na kapag may mga taong nambobola at sumisipsip at umaali-aligid sa iyo, dapat mo silang tratuhin nang tama, magiliw silang tulungan, at udyukan silang tuparin ang kanilang mga nararapat na gawain at hindi mambobola ng mga tao tulad ng ginagawa ng mga walang pananampalataya; sabihin nang malinaw ang iyong posisyon at perspektiba, iparamdam sa kanila ang pagkapahiya at kahihiyan para hindi na nila ito ulitin. Kung kaya mong sundin ang mga prinsipyo at tratuhin nang patas ang mga tao, hindi ba’t mapapahiya ang mga kasuklam-suklam na payaso at satanikong uri na ito? Mapapahiya nito si Satanas, at mapalulugod nito ang Diyos. Iyong mga mahilig mambola sa iba ay naniniwala na gusto ng lahat ng lider at manggagawa ng mga taong nambobola sa kanila, at sa tuwing may nagsasabi ng anumang pambobola o paninipsip sa kanila, natutugunan ang kanilang banidad at pagnanais para sa katayuan. Hindi gusto ng mga taong nagmamahal sa katotohanan ang lahat ng ito, at labis nilang kinasusuklaman itong lahat at nasusuya sa lahat ng ito. Tanging ang mga huwad na lider lang ang nasisiyahang binobola. Maaaring hindi sila pinapalakpakan o pinupuri ng sambahayan ng Diyos, subalit kung pinapalakpakan at pinupuri sila ng hinirang na mga tao ng Diyos, lubos silang nalulugod at labis nila itong ikinasisiya, at kalaunan ay nakakukuha sila ng kaunting pampalubag-loob mula rito. Mas ikinasisiya ng mga anticristo ang binobola, at ang bagay na pinaka-ikinasisiya nila ay kapag ang mga taong tulad nito ay lumalapit sa kanila at umaali-aligid sa kanila. Hindi ba ito nakababahala? Ganito ang mga anticristo; gusto nila na may mga taong pumupuri at pumalakpak sa kanila, sumasamba at sumusunod sa kanila, samantalang iyong mga naghahangad ng katotohanan at medyo matuwid ay ayaw ang anuman sa mga ito. Dapat kang maging malapit sa mga taong kayang makipag-usap nang totoo sa iyo; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito sa tabi mo ay lubos na malaking kapakinabangan sa iyo. Sa partikular, ang pagkakaroon ng gayong mabubuting tao sa paligid mo tulad ng mga iyon na, kapag natutuklasan nila ang isang problema sa iyo ay may lakas ng loob na sawayin ka at ilantad ka, mapipigilan kang maligaw ng landas. Wala silang pakialam kung ano ang iyong katayuan, at sa sandaling matuklasan nilang gumawa ka ng isang bagay na labag sa mga katotohanang prinsipyo, sasawayin at ilalantad ka nila kung kinakailangan. Ang gayong mga tao lang ang matutuwid na tao, mga taong may pagpapahalaga sa katarungan, at gaano ka man nila ilantad at sawayin, ang lahat ng ito ay tulong sa iyo, at ang lahat ng ito ay tungkol sa pangangasiwa sa iyo at pagtulak sa iyo pasulong. Dapat kang mapalapit sa gayong mga tao; ang pagkakaroon ng mga gayong tao sa tabi mo, tumutulong sa iyo, magiging mas ligtas ka—ganito ang pagkakaroon ng proteksiyon ng Diyos. Ang pagkakaroon ng mga taong nakauunawa sa katotohanan at nagtataguyod ng mga prinsipyo sa tabi mo araw-araw na nangangasiwa sa iyo ay lubhang kapaki-pakinabang sa paggawa mo ng iyong tungkulin at gawain nang maayos. Wala ka talaga dapat niyong mga tuso, mapanlinlang na mga tao na sumisipsip sa iyo at nambobola sa iyo bilang iyong mga katulong; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito na nakadikit sa iyo ay tulad ng pagkakaroon ng mababahong langaw sa iyo, malalantad ka sa napakaraming bakterya at virus! Ang gayong mga tao ay malamang na guguluhin ka at makakaapekto sa iyong trabaho, maaari silang maging sanhi ng pagkahulog mo sa tukso at pagkaligaw ng landas, at maaari silang magdala ng sakuna at kalamidad sa iyo. Dapat kang lumayo sa kanila, mas malayo mas mabuti, at kung makikilatis mo na mayroon silang diwa ng mga hindi mananampalataya at mapapaalis sila sa iglesia, mas mabuti. Kapag nakita ng isang matuwid na tao na naghahangad ng katotohanan na mayroon kang problema, sasabihin niya sa iyo ang katotohanan anuman ang iyong katayuan, anuman ang iyong magiging pagtrato sa kanya, at kahit na papaalisin mo pa siya. Hinding-hindi niya ito susubukang pagtakpan o ipaliligoy-ligoy. Sobrang kapaki-pakinabang na magkaroon ng mas maraming tao na tulad nito sa paligid mo! Kapag gumawa ka ng bagay na labag sa mga prinsipyo, ilalantad ka nila, magbibigay ng mga opinyon sa iyong mga isyu, at tutukuyin ang iyong mga problema at pagkakamali nang deretsahan at tapat; hindi ka nila susubukang tulungang mapanatili ang iyong dignidad, at ni hindi ka nila bibigyan ng pagkakataong maiwasan ang kahihiyan sa harap ng maraming tao. Paano mo dapat tratuhin ang gayong mga tao? Dapat mo ba silang parusahan o maging malapit sa kanila? (Maging malapit sa kanila.) Tama iyan. Dapat mong buksan ang iyong puso at makipagbahaginan sa kanila, sinasabi na, “Tama ang isyung mayroon ako na tinukoy mo sa akin. Noong panahong iyon, napuno ako ng banidad at pag-iisip ng katayuan. Naramdaman kong naging lider ako sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo man lang sinubukang mapanatili ang aking dignidad, kundi itinuro mo rin ang mga problema ko sa harap ng napakaraming tao, kaya’t hindi ko matanggap ito. Subalit ngayon, nakikita ko na na talagang salungat ang ginawa ko sa mga prinsipyo at sa katotohanan, at hindi ko dapat ginawa iyon. Ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng posisyon ng lider? Hindi ba’t tungkulin ko lang ito? Lahat tayo ay gumagawa ng ating tungkulin at lahat tayo ay pantay-pantay ng katayuan. Ang pinagkaiba lang ay nagpapasan ako ng medyo mas maraming responsabilidad, iyon lang. Kung may matutuklasan kang anumang problema sa hinaharap, sabihin mo kung ano ang dapat mong sabihin, at hindi magkakaroon ng personal na sama ng loob sa pagitan natin. Kung magkaiba tayo sa ating pagkaarok sa katotohanan, maaari tayong magbahaginan nang magkasama. Sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos at ng katotohanan, dapat tayong magkaisa, hindi magkakahiwalay.” Ito ay isang saloobin ng pagsasagawa at pagmamahal sa katotohanan. Ano ang dapat mong gawin kung gusto mong iwasan ang landas ng isang anticristo? Dapat kang magkusang maging malapit sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, mga taong matuwid, maging malapit sa mga taong kayang tukuyin ang iyong mga isyu, na kayang magsalita ng totoo at sawayin ka kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema, at lalo na ang mga taong kaya kang pungusan kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema—ito ang mga taong pinakakapaki-pakinabang sa iyo at dapat mo silang pahalagahan. Kung ibubukod at aalisin mo ang gayong mabubuting tao, mawawala sa iyo ang proteksiyon ng Diyos, at unti-unting darating sa iyo ang sakuna. Sa pagiging malapit sa mabubuting tao at mga taong nakauunawa sa katotohanan, magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan, at maiiwasan mo ang sakuna; sa pagiging malapit mo sa mga taong ubod ng sama, mga walang hiyang tao, at mga taong nambobola sa iyo, manganganib ka. Hindi ka lang madaling malilinlang at maloloko, kundi maaari pang dumating sa iyo ang sakuna anumang oras. Dapat malaman mo kung anong uri ng tao ang pinakamagiging kapaki-pakinabang sa iyo—ang mga ito ay iyong makapagbababala sa iyo kapag may ginagawa kang mali, o kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili at nililigaw ang iba, na maaaring maging pinakakapaki-pakinabang sa iyo. Ang paglapit sa gayong mga tao ang tamang landas na dapat tahakin. Kaya ninyo ba ito? Kung may sinumang nagsasabi ng isang bagay na sumisira sa iyong reputasyon at ginugugol mo ang natitirang bahagi ng iyong buhay na nagdaramdam sa kanya, sinasabi na, “Bakit mo ako inilantad? Hindi kita kailanman minaltrato. Bakit palagi mong ginagawang mahirap ang mga bagay-bagay para sa akin?” At nagtatanim ka ng sama ng loob sa iyong puso, nagbubukas ang isang lamat, at palagi mong iniisip na, “Ako ay isang lider, mayroon akong ganitong pagkakakilanlan at katayuan, at hindi kita pahihintulutang magsalita nang ganyan,” anong uri ng pagpapamalas ito? Ito ay hindi pagtanggap sa katotohanan at pagsalungat sa iba; medyo bingi ito sa katwiran. Hindi ba’t ito ang kaisipan mo ng katayuan na nag-uudyok ng gulo? Ipinapakita nitong masyadong malala ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ang mga palaging nagkikimkim ng mga kaisipan ng katayuan ay mga taong may malalang anticristong disposisyon. Kung gumagawa rin sila ng kasamaan, napakabilis nilang maibubunyag at maititiwalag. Napakamapanganib para sa mga tao na tanggihan at hindi tanggapin ang katotohanan! Ang palaging pagnanais na makipagtagisan para sa katayuan at pagnanais na maghangad ng mga benepisyo ng katayuan ay mga palatandaan ng panganib. Kapag palaging pinipigilan ng katayuan ang puso ng isang tao, makapagsasagawa pa rin ba siya ng katotohanan at mapapangasiwaan ang mga bagay-bagay alinsunod sa prinsipyo? Kung hindi kayang isagawa ng isang tao ang katotohanan at palaging kumikilos alang-alang sa katanyagan, kapakinabangan, at katayuan, at palaging ginagamit ang kanyang kapangyarihan sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ba’t halata siyang anticristo na nagpapakita ng kanyang tunay na kulay?

Ang gayong mga pagpapamalas tulad ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili ay mga pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga anticristo. Maging ito ay sa pang-araw-araw na buhay man o sa paraan ng kanilang pag-asal na may kaugnayan sa iba, o maging sa buhay iglesia man, ang mga pagpapamalas na ito ay palaging makikita, dahil ang mga pagpapamalas na ito ay ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, ang mga katotohanang may kaugnayan sa kung paano hinaharap ng isang tao ang kanyang tungkulin, kung paano niya tinatrato ang iba, at kung paano niya kinikilatis ang iba ay mga katotohanang tinalakay natin sa pagbabahaginan. Maaari kayang alam ninyo ang mga kongkretong pagpapamalas ng mga bagay na ito sa inyong ordinaryong buhay, subalit hindi ninyo nakikita ang mga ito bilang mga problema? O maaari kayang hindi pa kayo nakatakdang pumasok batay sa mga partikular na problemang ito? Kung hindi kayo magsisimula sa mga disposisyon, o kung minsan ay nagpapakita kayo ng mga pagpapamalas na ito subalit hindi ninyo alam kung disposisyonal na problema ba ang mga ito, at kung kaya’t hindi ninyo pinapansin ang mga ito, malayo pa ninyong makakamit ang pagbabagong disposisyonal. Kung bigo kang mapagtanto na ang mga pagpapamalas na ito ang iyong pagtataas at pagpapatotoo sa iyong sarili, kung hindi mo alam na ang mga pagpapamalas na ito ay pinamamahalaan ng iyong tiwaling disposisyon, at itinuturing mo ang mga ito bilang isang uri ng katangian ng personalidad o isang likas na paraan ng paggawa ng mga bagay o kognisyon, at minamaliit ang mga ito, at hindi mo itinuturing ang mga ito na mga pagbubunyag ng iyong tiwaling disposisyon at tiwaling diwa, mahihirapan kang baguhin ang kaugnay na tiwaling disposisyon. Ang maaaring mapagtanto ng mga tao na may kaugnayan sa mga disposisyon, ito man ay isang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay o isang kalagayan na kanilang kinaroroonan, panlabas na pag-uugali man ito o kanilang pananalita at mga pahayag, mga kaisipan at pananaw man nila ito o pag-unawa nila sa isang partikular na bagay, hangga’t ito ay nauugnay sa mga disposisyon at diwa, dapat nilang palaging ituring ito bilang isang sagisag o pagbubunyag ng kalikasang diwa ng tao, at sa ganitong paraan, hindi’t ba lalawak ang kanilang pang-unawa? Hindi lang nila dapat unawain ang malalaking bagay, tulad ng isang tao na lumalaban sa Diyos, hindi nagmamahal sa katotohanan, sakim sa katayuan, o nililigaw ang mga tao sa mga bagay na sinasabi nito, bagkus ay dapat na maunawaan ang lahat mula sa maliliit na bagay, tulad ng mga partikular na ideya at layunin, hanggang sa malalaking bagay tulad ng argumento o pahayag. Kababanggit Ko lang ng anim na bagay sa kabuuan, kabilang dito ang mga kaisipan at pananaw, gayundin ang pag-unawa ng isang tao sa isang partikular na bagay. Ang mga kaisipan at pananaw ay mga bagay na umiiral sa loob ng kamalayan at pag-iisip ng isang tao; ang pag-unawa ay isang bagay na kinilala na at kung saan maaaring makabuo ng mga kongkretong salita at pahayag ang isang tao; pagkatapos ay may mga pag-uugali at wika. Sa kabuuan ito ay apat na bagay. Mayroon ding mga pahayag at argumento. Ano ang kabaligtaran ng mga pahayag at argumento? (Mga layunin at ideya.) Ang mga ideya ay medyo malalabong bagay na hindi sinasadyang lumilitaw sa isipan. Hindi pa sila natutukoy bilang tama o mali, iniisip mo lang sila, at hindi pa sila nagkakaroon ng anyo sa iyong kalooban, samantalang ang mga pasalitang argumento ay mayroon nang porma. Sa kabuuan may tatlong grupo at anim na bagay. Kunin ang anim na bagay na ito bilang isang landas para himayin ang diwa ng inyong mga tiwaling disposisyon at pagkakamit ng pagbabagong disposisyonal, mula ngayon ay itakda ang pagkilala sa sarili ninyong mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa mula sa anim na bagay na ito, at sa paraang ito ay tunay ninyong makikilala ang inyong sarili.

Kailangan ba ninyo ng ilang oras pagkatapos makinig sa pagbabahaginan ngayon para maunawaan ang inyong narinig? Kapag nagtitipon kayo nang sama-sama, makapagbabahagi ba kayo ng kaunting liwanag o makapagkukumpara sa inyong sarili sa pundasyong ito? Ito ang susi, at ito ang pinakakapaki-pakinabang sa inyo. Kapag nagtitipon-tipon kayong magkakasama, kailangan ninyong magbahaginan, makipagpalitan ng mga ideya, at talakayin ang inyong mga karanasan at mga realisasyon—ito ang pinakamabisa. Palagi nating ginagamit ang salitang “pag-isipan” dati; sa mga kolokyal na termino, sinasabi natin, “nguyain ang kinain.” Nangangahulugan ito na mas magbasa pa, mas magdasal-magbasa pa, mas mag-isip pa, at mas maghanap pa, kunin ang inyong naunawaan sa panahong iyon, gayundin ang hindi ninyo nauunawaan at itinuring na doktrina, mahahalagang punto, mga punto na nagkaroon ng maling pagkaunawa ang lahat, at mga puntong hindi ninyo naarok, at pagtuunan ang lahat ng ito sa pagbabahaginan—ito ang ibig sabihin ng “nguyain ang kinain”. Sa ganitong paraan, ang inyong pang-unawa sa mga detalye ng mga katotohanang ito, ang iba’t ibang pagkakaiba sa pagitan ng mga katotohanan, at ang mga depinisyon ng bawat katotohanan ay magiging mas malinaw at tumpak. Sa palagay ba ninyo ay naging mas malabo o mas malinaw ang iba’t ibang katotohanan na inyong naunawaan at isinabuhay nitong mga nakaraang taon kaysa sa dati? (Mas malinaw.) At sa paglipas ng mga taon na ito, nagkaroon ba ng anumang malaking pagbabago sa inyong landas ng pananampalataya sa Diyos, sa direksiyon ng inyong pag-asal, at sa layunin, motibasyon, at orihinal na puwersa sa likod ng paggawa ng inyong tungkulin? (Pagkatapos sumailalim sa ilang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay nagkaroon ng ilang pagbabago.) Na nagkaroon ng pagbabago ay tama, at ito ang dapat na mangyari. May ilang tao na patuloy na nagsawalang-bahala at hindi nagbago ni katiting pagkatapos makinig sa napakaraming sermon. Hindi sila naaantig sa kaibuturan ng kanilang puso, ibig sabihin, walang pagtitipon o pagbabahaginan ang makapagpapabago sa direksiyong kanilang pinupuntahan—napakamanhid at mapurol ang utak nila! Ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan ay dapat na ngayong mas luminaw nang luminaw, at iyong mga may karanasan ay nakikita nang malinaw at maliwanag ang mga paraan kung saan inililigtas ng Diyos ang tao at ang Kanyang layunin sa paggawa nito. Kung, pagkatapos na manalig sa Diyos sa lahat ng mga taon na ito, hindi mo pa rin alam kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao at kung paano Niya nililinis ang mga tao mula sa katiwalian, ipinakikita nitong wala kang kahit anong pang-unawa sa katotohanan at walang ni katiting na pag-arok sa gawain ng Diyos. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay naguguluhan sa kanilang pananampalataya?

Marso 20, 2019

Sinundan: Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan

Sumunod: Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito