Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Unang Bahagi)

I. Hindi Naniniwala ang mga Anticristo na Mayroong Diyos

Magbabahaginan tayo ngayon sa ikalabinlimang aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo—hindi sila naniniwala na mayroong Diyos, at itinatanggi nila ang diwa ni Cristo. Inilalantad ng aytem na ito ang dalawang pagpapamalas ng kung paano itinuturing ng mga anticristo ang Diyos at si Cristo, na kumakatawan sa diwa ng mga anticristo. Parehong tumutukoy sa Diyos Mismo ang dalawang pagpapamalas na ito, sa isang aspekto ay may kinalaman sa Espiritu ng Diyos, at sa isa pang aspekto sa nagkatawang-taong Diyos. Hindi naniniwala ang mga anticristo na mayroong Diyos, at hindi rin nila kinikilala ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Ito ang mga pananaw na kinikimkim ng mga anticristo ukol sa Diyos, at ang mga ito ang mga pangunahing pagpapamalas ng kung paano itinuturing ng mga anticristo ang Diyos. Sa ngayon, hindi natin pagbabahaginan ang diwa ng dalawang pangunahing pagpapamalas na ito, sa halip, talakayin muna natin kung paano naipapamalas ang kawalan ng paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos, na ibig sabihin, kung anong mga kaisipan, pananaw, saloobin, at mga partikular na pag-uugali, pagpapamalas, at pamamaraang mayroon ang mga anticristo ukol sa Diyos na nagpapatunay na hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Mayroon bang mga kongkretong pagpapamalas ng kawalang ito ng paniniwala? Maaaring sabihin ng ilan, “Ang kawalan ng paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos ay nangangahulugan lamang na hindi nila kinikilala ang katunayang ito at itinatanggi nilang mayroong Diyos. Sa puso nila, naniniwala sila na walang Diyos, at na ang Espiritu ng Diyos, ang Diyos Mismo, at ang Lumikha, ay hindi nakikita at hindi umiiral. Para sa kanila, walang kabuluhan at bunga lamang ng imahinasyon ng tao ang titulong ‘Diyos’. Hindi ba’t simple lang itong ipaliwanag at pagbahaginan? Paano ito nauugnay sa diwa ng mga anticristo? Paano nagkakaroon ng mga partikular na pagpapamalas nito? Hindi ba’t pagpapalaki lang ito ng isyu? Talaga bang ganoon ito kakomplikado?” Tama ba ang ganitong pag-iisip? Kung hihilingin sa inyo na magbahagi tungkol sa paksa ng hindi paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos, paano ninyo ito pagbabahaginan at hihimayin? Halimbawa, ikonsidera ang isang partikular na mapanlinlang na tao. Puwede mo bang talakayin ang mga partikular na pagpapamalas ng pagiging mapanlinlang niya? Kung sasabihin mo lang, “Napakamapanlinlang ng taong ito at lagi siyang nagsisinungaling at walang binibitiwang kahit isang totoong salita,” tapos ka na ba sa pagbabahagi? Ano ang mga partikular na kalagayan at pagpapamalas ng pagiging mapanlinlang? Paano mo mahihimay ang pagiging mapanlinlang ng taong iyon? Anong mga pamamaraan ang ginagamit niya sa pakikitungo sa mga tao at sa pangangasiwa sa mga bagay sa pang-araw-araw niyang buhay? Anong mga pamamaraan ang ginagamit niya sa pakikitungo sa mundo? Kumusta ang karakter niya? Ano ang pananaw niya sa mga tao, pangyayari, at bagay? Paano mapapatunayang napakamapanlinlang ng taong ito? Hindi ba’t may mga detalye rito? Tiyak na may mga detalye. Hindi lang ito tungkol sa pagsasabi ng kung ano ang pagiging mapanlinlang o kung anong mga pagkilos ang mapanlinlang, at hindi lamang ito tungkol sa pagpapaliwanag ng terminong ito, sa halip, kailangan mong himayin ang mga partikular niyang pagpapamalas, pag-uugali, kaisipan, pananaw, ang mga pamamaraan niya sa pangangasiwa sa mga bagay, ang karakter niya, at iba pa. Ang pangunahing katangian ng isang taong mapanlinlang ay na hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso para magbahagi kaninuman, at hindi siya nagtatapat kahit sa kanyang pinakamatalik na kaibigan. Lubha siyang imposibleng maintindihan. Sa katunayan, maaaring hindi naman matanda ang gayong tao, o maaaring wala pa siyang masyadong kaalaman sa mundo, at maaaring wala siyang gaanong karanasan, pero imposible siyang maintindihan. Napakatuso niya sa kabila ng kanyang edad. Hindi ba likas na mapanlinlang ang taong ito? Itinatago niya nang husto ang kanyang tunay na pagkatao na walang sinuman ang nakakahalata rito. Ilang salita man ang kanyang sabihin, mahirap matukoy kung alin ang totoo at alin ang hindi, at walang nakakaalam kung kailan siya nagsasabi ng totoo o kailan siya nagsisinungaling. Dagdag pa riyan, sanay na sanay siya sa pagpapanggap at paggamit ng maling argumento. Madalas ay itinatago niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling impresyon sa mga tao, kaya ang nakikita lang ng mga tao ay ang huwad niyang ipinapakita. Nagpapanggap siya bilang isang taong matayog, mabuti, matuwid, at tapat, bilang isang taong gusto at sinasang-ayunan ng iba, at sa huli, sinasamba at tinitingala siya ng lahat. Gaano katagal mo man nakakasama ang gayong tao, hindi mo malalaman kailanman kung ano ang kanyang iniisip. Ang kanyang mga pananaw at saloobin sa lahat ng klase ng tao, pangyayari, at bagay ay nakatago sa kanyang puso. Hindi niya sinasabi ang mga bagay na ito kaninuman kahit kailan. Hindi siya nagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito kahit sa kanyang pinakamalapit na katapatang-loob. Kahit kapag nagdarasal siya sa Diyos, maaaring hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso o ang katotohanan tungkol sa mga ito. Hindi lang iyan, sinisikap niyang magpanggap bilang isang taong may mabuting pagkatao, na napaka-espirituwal at dedikado sa paghahanap sa katotohanan. Walang sinumang nakakakita kung anong klaseng disposisyon ang taglay niya at kung anong klase siyang tao. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng pagiging mapanlinlang. Halimbawa, ikonsidera ang isang tamad na tao. Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng katamaran? Puwedeng sabihin ng ilan, “Ang katamaran ay hindi paggawa ng anumang trabaho, paupo-upo lang buong araw, ayaw kumilos o mag-alala sa anumang bagay, at ayaw magsalita.” Ang mga ito ba ang mga kongkreto at pangunahing pagpapamalas ng katamaran? (Hindi, mga paimbabaw na penomena lamang ang mga ito.) Ano, kung gayon, ang mga pangunahing pagpapamalas ng katamaran? Sa kabuuan, may dalawang pangunahing pagpapamalas: una, ayaw magtiis ng anumang hirap, hindi nagdadala ng pasanin o responsabilidad sa anumang ginagawa niya, laging nagrereklamo tuwing ang katawan niya ay nakakaramdan ng kaunting sakit, o bahagyang nahihirapan o medyo napapagod; pangalawa, ayaw gumawa ng anumang trabaho, gusto ng masarap na buhay, mas gusto ang maglibang at ayaw magtrabaho, inaaksaya ang kanyang oras, at hinahayaang lumipas na lang ang mga araw niya, pati na rin, palaging nagrereklamo at nagtatago para hindi siya makita ng iba kapag may kailangang gawin. Ang mga ito ang dalawang pangunahing pagpapamalas ng katamaran; hindi natin tatalakayin ang mga partikular na pagpapamalas dito. Gamitin nating halimbawa ang isang masibang tao. Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng kasibaan? Isang bagay ito sa sangkatauhan na dapat madaling himayin at kilatisin, hindi ba? (Palaging naghahangad ng mga pisikal na kasiyahan, palaging gustong kumain ng masasarap na pagkain, pinagbibigyan ang sariling pagkatakam.) (Hindi nawawalan ng gana pagdating sa masasarap na pagkain.) Pagpapamalas ang mga ito ng kasibaan. Hindi ba’t may mga tao na, kapag narinig na may masarap na pagkain sa isang lugar, ay gagawin ang lahat para hanapin ang lugar na ito? Halimbawa, sabihin nang may bagong bukas na restoran sa isang lugar, at nag-aalok ito ng iba’t ibang masasarap na putahe, ngunit medyo mahal at malayo ito, at aabutin ng isang oras na biyahe para makarating doon. Iisipin ng karamihan ng tao na hindi sulit magbiyahe nang ganoon kalayo para lang sa isang pagkain. Pero ang mga taong mahilig kumain, kapag narinig ang tungkol sa restorang ito, ay mag-iisip, “Hindi naman ganoon kalayo ang isang oras na biyahe. Hindi ba’t ang buhay ay tungkol sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya? Tara, kain tayo!” Pero kung hihilingin sa tao ring iyon na magbiyahe nang isang oras para gampanan ang nararapat niyang trabaho, magsisimula siyang mag-isip, “Hindi ba ako mapapagod papunta roon? Magiging kapaki-pakinabang ba sa akin na maglaan ng napakaraming oras para pumunta at gumawa roon? Paano kung makaharap ako ng masasamang tao? Paano kung maubusan ng gasolina ang sasakyan? Ano ang kakainin ko roon? Mayroon na bang nakahandang pagkain? Paano kung hindi ako makaangkop sa lugar? Paano kung hindi ako makatulog sa gabi?” Pinapakomplikado niya ang mga bagay kapag tungkol sa nararapat niyang trabaho, nakakakita siya ng mga hirap kahit saan. Pero kapag tungkol sa pagkain ng masarap, handa siyang mapagtagumpayan ang lahat ng balakid; hindi na nagiging isyu ang bawat balakid, at itinitigil niya ang sobrang pag-iisip. Mga partikular na pagpapamalas ng kasibaan ang mga ito. Binanggit Ko lang ito nang pahapyaw rito; hindi Ko na ito palalawakin pa.

Balikan natin ang paksa ng ating pagbabahaginan ngayon. Ano ang mga pagpapamalas ng hindi paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos? Anong mga partikular na kaisipan, pananaw, at kalagayan ang ibinubunyag nila? Kapag may nangyayari sa kanila, anong mga saloobin, pananaw, at ideya ang mayroon sila na nagpapatunay na talagang hindi sila naniniwala na mayroong Diyos? Hindi ba’t karapat-dapat itong pagbahaginan? Hindi naniniwala ang mga anticristo na mayroong Diyos; ano ang mga detalye at partikular na pagpapamalas ng hindi nila paniniwala? (Kahit ano ang mangyari, hindi sila naniniwala na pinamamatnugutan at isinasaayos ito ng Diyos, at hindi nila ito matanggap mula sa Diyos.) (Hindi sila naniniwala na ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama, kaya wala silang pakundangang gumagawa ng kasamaan.) Ang mga ito ang ilang partikular na pagpapamalas. Hindi naniniwala ang mga anticristo na mayroong Diyos. Itong hindi paniniwala na mayroong Diyos ay isang pagtanggi. Anong itinatanggi nila na nagpapatunay na itinatanggi nila na mayroong Diyos? (Itinatanggi nila ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang ang Lumikha.) (Itinatanggi nila na kontrolado ng Diyos ang lahat ng bagay at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat.) (Itinatanggi nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at itinatanggi nila na ang gawain ng Diyos ng paghatol at pagkastigo ay makapaglilinis ng katiwalian ng mga tao at makapagliligtas sa kanila mula kay Satanas.) Alin sa mga pahayag na ito ang kumakatawan at mas mahalaga? Ang pagtanggi sa pagkakakilanlan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay—hindi ba’t kumakatawan ang mga ito? Hindi ba’t mahahalagang isyu ang mga ito? (Oo.) Ang paniniwala na mayroong Diyos, sa isang aspekto, ay pagkilala sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Bukod pa rito, ito ay pagtanggap at pagkilala sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, batay sa pundasyon ng paniniwala sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Hindi ba’t ito ang ganap na paniniwala na mayroong Diyos? Hindi ba’t napakahalaga ng dalawang puntong ito? (Oo.) Ang dalawang ito ang pinakamahahalagang isyu. Kaya, para himayin ang kawalan ng paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos, kailangan muna nating himayin ang dalawang bagay: una, ang pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; pangalawa, ang pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Nakapaloob sa dalawang puntong ito ang ibang mga aspekto. Dati na nating napagbahaginan kung paanong hindi kinikilala ng mga anticristo na ang Diyos ang katotohanan, na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, o na ang Diyos ay makapagliligtas ng mga tao. Isang katunayan din ito. Gayumpaman, sinasabi Ko rito na sa pinakapangunahing antas, hindi naniniwala ang mga anticristo na mayroong Diyos, at hindi rin sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Ang paghimay nito mula sa perspektiba ng hindi pagkilala ng mga anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ng pagtanggi nila na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, ay magiging mas makapangyarihan at kumakatawan.

A. Tumatangging Kilalanin ang Pagkakakilanlan at Diwa ng Diyos

Simulan natin sa pagbabahaginan ng unang punto: Ang mga anticristo ay tumatangging kilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Ano ba ang pagkakakilanlan ng Diyos? Para sa lahat ng nilikha, ang Diyos ang Lumikha, kaya ano ang Kanyang pagkakakilanlan para sa lahat ng bagay? (Ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay.) Tumpak din ang titulong ito, ngunit ano ang tunay na pagkakakilanlan ng Diyos? Kapag tinutukoy ang Diyos, puwede ba ninyong direktang tawagin Siya bilang “ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay”? Para itong kung paanong ang pagkakakilanlan ng iyong ina para sa iyo ay bilang ang taong nagsilang at nagpalaki sa iyo, pero puwede mo ba siyang tawaging “ang taong nagsilang at nagpalaki sa akin”? (Hindi.) Ano ang tawag mo sa kanya? (Nanay.) Iyan ang tawag mo sa iyong ina. Samakatwid, ang titulo ng Lumikha, ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, ay Diyos, at tanging ang Diyos Mismo ang puwedeng tawaging Diyos. Para sa lahat ng nilikha at di-nilikhang bagay, ang Diyos ay Diyos; ang Kanyang pagkakakilanlan ay ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang Kanyang titulo ay Diyos. Ang Siyang may hawak ng titulong ito ay ang Diyos Mismo, Siya ang Diyos. Tanging Siya na karapat-dapat sa titulong Diyos ang nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Huwag muna nating pag-usapan ang salitang “diwa” sa ngayon, at sa halip, pag-usapan natin ang tungkol sa pagkakakilanlan. Ang Diyos Mismo, na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, ay gumagawa ng mga bagay na ayon sa Diyos, nagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at pinangungunahan ang buong sangkatauhan at may kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan at sa lahat ng bagay gamit ang pamamaraan ng Diyos. Para sa mga naniniwala sa Diyos at kinikilala ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang perspektiba nila sa lahat ng ginagawa ng Diyos ay lubos na naiiba sa perspektiba ng mga anticristo. Ang mga tamang nakakaunawa sa lahat ng ginagawa ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay ay makikita mula rito ang Kanyang pamamaraan ng pagkilos, at higit pa nilang mapapatunayan sa sarili nila ang Kanyang pag-iral sa gitna ng lahat ng bagay. Sa kabaligtaran, ang pananaw, pamamaraan, at anggulo ng pagtingin ng mga anticristo sa lahat ng bagay na ito ay ganap na salungat sa mga naniniwala na mayroong Diyos. Dahil dito, mas pipiliin pa ng mga anticristo na mamatay kaysa sa maniwala na mayroong Diyos, o maniwala na ang Siyang may kakayahang gawin ang lahat ng bagay na ito ay ang Siyang nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, at na Siya lamang ang karapat-dapat na tawaging Diyos at ang karapat-dapat tawagin ng mga tao bilang Diyos.

Para sa maraming bagay na umiiral sa gitna ng lahat ng bagay at ng buong sangkatauhan, nakikita man ang mga ito ng mata o hindi, kung titingnan at iintindihin ng mga tao ang mga ito sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa pagkamakatwiran ng normal na pagkatao, matutuklasan nila na pinangungunahan ng Diyos ang sangkatauhan sa gitna ng lahat ng bagay, at na umiiral nga talaga Siya. Ang mga batas ng lahat ng bagay at ang pag-unlad ng lahat ng bagay ay pinamamatnugutan at isinasaayos sa loob ng isang di-nakikita, di-mailarawang hanay ng mga tuntunin, kaya sino ang may kakayahang pamatnugutan at isaayos ang lahat ng ito? Hindi ito nagagawa ng sinumang dakilang tao, o ng sinumang bayani, at tiyak na hindi ito likas na nagaganap. Sa halip, ito ay ang Siyang di-nakikita at di-nahahawakan, ngunit nararamdaman ng tao, na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito. Sino Siya? Siya ang Diyos. Hindi ba’t ang paniniwala na mayroong Diyos ang pinakapayak na pagkamakatwiran na dapat taglayin ng tao? Hindi ba’t ito ang pinakapayak, ang pangunahing pananaw at ang anggulo ng mga tao sa pagtingin sa mga bagay? Gayumpaman, walang ganitong pagkamakatwiran ang mga anticristo, kaya’t hindi nila tinitingnan ang mga bagay mula sa gayong pananaw at anggulo. Kaya, tungkol sa mga bagay na pinamatnugutan ng Diyos, na kaya lamang maramdaman ng sangkatauhan, at na hindi tuwirang ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan sa malinaw na wika, itinuturing ng mga anticristo na nagkataon lamang ang mga ito, gawa ng tao, likas na nabuo, o imahinasyon at manipulasyon pa nga ng mga tao. Kahit gaano mo pa patotohanan ang pag-iral ng Diyos, kahit gaano karaming katotohanan ang gamitin mo para patunayan na nasa gitna ng lahat ng bagay ang Diyos, na nagtataglay ang Diyos ng pagkakakilanlan ng Diyos, at na tanging Siya na may pagkakakilanlan ng Diyos ang makagagawa ng mga bagay na ito, at makapag-aayos ng lahat ng bagay sa maayos na paraan, at na ang gayong May Kataas-taasang Kapangyarihan ang Siyang nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, makikita ba ito ng mga anticristo sa ganitong paraan? Maiintindihan ba ito ng mga anticristo sa ganitong paraan? (Hindi.) Kahit gaano karaming katunayan ang ipresenta mo para patunayan ito, hindi pa rin ito paniniwalaan o kikilalanin ng mga anticristo. Kahit na wala silang sinasabi sa panlabas, at kahit hindi nila kayang magbigay ng ebidensya para pabulaanan ito, sa kaibuturan, paulit-ulit nila itong tinututulan at ayaw kilalanin, at paulit-ulit nila itong pinagdududahan. Iniisip nila na mga hangal ang mga taong naniniwala sa pagkakakilanlan ng Diyos, at na nailigaw sila, at na isang bagay ito na ginagawa at iniisip lamang ng mga kulang sa sapat na pag-iisip. Sa pananaw nila, ang malayang kalooban ng tao ay dapat na kontrolado ng tao mismo at malayang naipapahayag. Iniisip nila na dapat bumuo ng mga opinyon ang mga tao tungkol sa mga pangyayaring nagaganap sa gitna ng lahat ng bagay sa anumang paraan na piliin nila, at na dapat tingnan ang mga pangyayaring ito sa pamamagitan ng pamamaraang pang-agham at perspektibang pang-agham, na hindi dapat maging sobrang mapamahiin ang mga tao, o gamitin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos para ipaliwanag ang lahat ng bagay, o harapin ang lahat ng bagay gamit ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Halimbawa, sa iglesia, maraming kapatid ang nakaranas ng maraming tanda at kababalaghan na ginawa ng Diyos mula nang tanggapin nila ang Kanyang pagliligtas. Nagpapatotoo sila tungkol sa kung paano sila pinangunahan ng Diyos noong panahong iyon, kung paano ipinakita ng Diyos sa kanila na tunay nga Siyang umiiral sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito, at na tunay na ginawa Niya ang mga ito, pati na rin ang mga napakalaking pagpapala at biyayang natanggap nila sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito. Nariyan ang ebidensya, kapwa sa mga patotoo at sa pisikal na patunay. Ang pananampalataya ng mga naniniwala na mayroong Diyos ay pinalalakas ng mga patotoo at pisikal na patunay na ito, pero nagbabago ba ang pananaw ng mga anticristo, na hindi naniniwala na mayroong Diyos, pagkatapos marinig ang mga ito? (Hindi.) Paano mo malalaman? Sapagkat, gaano man katotoo ang mga sinasabi mo o gaano man karaming tao ang personal na nagpapatunay sa patotoo mo, hindi ito paniniwalaan ng mga anticristo. Sasabihin nila, “Maliban na lamang kung ako mismo ang makaranas nito, kung hindi ko ito nakita, hindi ito totoo. Ang nasaksihan at naranasan mo ay nagkataon lamang, isang hindi sinasadyang pangyayari. Hindi ba’t nakakaranas ang lahat ng tao ng mga mapanganib o nagkataong pangyayari sa buhay nila? Nagpapatunay ba ang mga nagkataon at hindi sinasadyang pangyayaring ito na gawa ito ng diyos? Pinapatunayan ba nito na ang gumagawa ng mga bagay na ito ay ang diyos? Baka naman imahinasyon mo lamang ito, baka mapalad ka lang na may isang mabuting tao na tumulong sa iyo, o baka hindi mo pa talaga oras na mamatay at mapalad kang nakaligtas.” Kita mo, kinikilala ba nila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga taong ito? (Hindi nila kinikilala.) Hindi nila kinikilala o pinaniniwalaan ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga kapatid, ni hindi sila naniniwala na kayang gawin ng Diyos ang mga gayong gawa, o na talagang nangyari ang mga naranasan ng mga kapatid. Iniisip nila, “Paano magkakaroon ng mga gayong bagay sa mundo? Kung mayroon man, bunga lamang ang mga ito ng imahinasyon ng tao. Gaya ng kasabihan, ‘Kung ano ang iniisip mo sa umaga, iyon ang mapapanaginipan mo sa gabi.’ Pawang ilusyon lamang ang mga bagay na ito.” Kapag naririnig ng mga anticristo kung paano naranasan ng mga kapatid ang ilang tanda at kababalaghan, ang ilang espesyal na biyaya at pagpapala ng Diyos, at ang ilang bagay na lampas sa abot ng karaniwang tao, hindi nila ito pinaniniwalaan. Kaya, mapapaniwalaan ba ng mga anticristo ang kaliwanagan at patnubay na nakakamit ng mga kapatid habang nararanasan nila ang mga salita ng Diyos? Hindi rin nila iyon pinaniniwalaan. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ay nagbibigay-liwanag, tumatanglaw, at gumagabay sa mga tao. Iniisip nila na nagmumula sa isip ng tao ang lahat ng ito, mula sa pagsusuri at pag-unawa ng tao batay sa kaalaman, at na ito ang nagbubunga ng mga patotoong batay sa karanasan. Naniniwala sila, “Kung ang mga tao ay mag-iisip nang mabuti at magsisikap sa direksyong ito, hindi ba’t makakamtan nila ang kaunting kaalaman? Kung magsisikap din ako, at mag-iisip nang mabuti at magbubulay-bulay nang husto tungkol dito, kung gayon, gaya ng pagsusulat ng isang artikulo, makakagawa rin ako ng ilang patotoong batay sa karanasan.” Kaya, pagdating sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid, kung saan nagpapatotoo sila sa kung paano sila pinangunahan ng Diyos, kung paano Niya sila binigyang-liwanag at tinanglawan, kung paano Niya sila hinatulan, kinastigo, pinungusan, at dinisiplina, at kung paano namatnugot ang Diyos ng mga sitwasyon para subukin at pinuhin sila, pati na rin kung paano nila naunawaan ang mga layunin ng Diyos mula rito, at iba pa, hindi kinikilala o pinaniniwalaan ng mga anticristo ang alinman sa mga gawa ng Diyos na ito. Iniisip nila na imposible ang lahat ng bagay na ito. Hindi kinikilala o pinaniniwalaan ng mga anticristo ang mga pangyayaring ito na nagaganap sa mga kapatid. Pinatutunayan ba nito ang diwa ng mga anticristo na ganap na tumatangging kilalanin ang pagkakakilanlan ng Diyos? Sa katunayan, hindi ito ang pinakamakapangyarihang ebidensya para patunayan ang diwa ng mga anticristo na tumatangging kilalanin ang pagkakakilanlan ng Diyos.

Pansamantala, lampasan natin ang saklaw ng iglesia at ng mga kapatid, at suriin natin ang mga pananaw ng mga anticristo sa iba’t ibang usapin sa mga grupo ng tao at sa tunay na buhay. Anu-ano ang mga usaping ito? (Ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng mga tao, pati na ang mga pagbabago sa lipunan, mga pagbabago sa politika, at ang pagdating ng mga kalamidad. Hindi nalalaman ng mga anticristo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa loob ng alinman sa mga bagay na ito.) (Hindi naniniwala ang mga anticristo na nasa mga kamay ng Diyos ang tadhana ng mga tao, sa halip, gusto nilang lumikha ng isang magandang bayan gamit ang kanilang sariling mga kamay.) Mga partikular na pagpapamalas ito na tumatalakay sa diwa ng usapin. Nakikita ba ng mga anticristo na ang kapalaran ng tao, ang buhay at kamatayan, at ang lahat ng karanasan ng bawat tao sa buhay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hindi nila ito nakikita. Halimbawa, may isang kilalang kasabihan sa lipunan: “Ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng daan ay nauuwi sa pagkabulag, samantalang tinitiyak ng mga mamamatay-tao at arsonista na dumarami ang kanilang mga anak.” Makabuluhang tuntunin ba para sa isang bagay ang kasabihang ito? Ito ba ang katotohanan? Isang pilosopikal na teorya ba ito? (Hindi.) Kung gayon, saan nagmula ang kasabihang ito? Tiyak na hindi ito mula sa mga nananalig sa Diyos; isa itong mababaw na pangyayari sa kalagayan ng pamumuhay ng iba’t ibang tao sa pag-unlad ng sangkatauhan. Naniniwala ang mga tao na walang katarungan sa mundo, na kapag mas maraming mabuting gawa ang isang tao, mas malamang na mabubulag siya, at mas malamang na maharap siya sa paghihiganti, samantalang kapag mas maraming kasamaang ginagawa ang isang tao, mas umuunlad at nagtatagumpay siya sa mundo. Ang mga batas ba ng pag-unlad ng iba’t ibang bagay sa sangkatauhan ay naaayon sa kasabihang ito sa anumang paraan? Mayroon ding kasabihang, “Ang mabubuting tao ay namamatay nang maaga habang ang masasamang tao ay nabubuhay hanggang sa pagtanda.” Anong klaseng mga tao ang nag-isip ng kasabihang ito? Nalalaman ng mga tao ang mga uri ng kasabihang ito bilang mga salawikain; anong klaseng mga tao ang may kakayahang magsalita ng mga salawikaing ito? Nananalig ba sila sa Diyos? Naniniwala ba sila na mayroong Diyos? (Hindi.) May ilang uri ng mga siniko na hindi nagtatagumpay sa lipunan at sa mga tao, na nahaharap sa mga hadlang saanman, na may mabigat na kapalaran, at hindi natutupad ang mga pangarap nila, at hindi sila umuunlad saanman sila pumunta. Iniisip nila na medyo mahusay at may kakayahan naman sila, pero hindi pa rin nila magawang sumikat, umunlad, lampasan ang iba, o bigyan ng karangalan ang mga ninuno nila. Saanman sila pumunta, iniiwasan, inaapi, at sinusupil sila, at wala silang kakayahang makawala mula sa lahat ng ito. Kalaunan, nabubuo nila ang kongklusyon na: “Walang katarungan sa lipunan o sa sangkatauhan, walang gantimpala para sa mabuti at parusa para sa masama, o paghihiganti. Gumagawa ng masasamang bagay ang masasamang tao nang hindi napaparusahan, samantalang ang mabubuting tao na gumawa ng maraming mabuting bagay, tulad ng pagbibigay ng donasyon at pagtulong sa mahihirap, ay hindi nakakatanggap ng gantimpala sa huli. Kaya huwag maging mabuti; wala rin naman itong saysay. Ang mabubuting tao ay nauuwi sa pagkabulag—dapat maging masamang tao na lamang.” Dahil hindi sila nagtatagumpay sa mundo at sa mga grupo ng mga tao, nagrereklamo sila sa kawalan ng katarungan at hustisya sa mundo, at sa kawalan ng tagapagligtas sa mundo. Iniisip nila na nagawan sila ng masama ng lahat ng tao dahil walang nakakakita sa kanilang mga kalakasan o kahusayan, at walang naglalagay sa kanila sa mahahalagang posisyon. Kaya, bumubuo sila ng ganitong uri ng baluktot na teorya upang magreklamo tungkol sa sangkatauhan at sa mundo. Sa realidad, may mga dahilan ba sa likod ng nangyayaring ito? Mayroon bang mga ugnayang nagsanhi ng mga ito? Tiyak na mayroon! Pareho ang pananaw ng mga anticristo sa mga taong ito; hindi sila naniniwala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ni hindi sila naniniwala na ang lahat ng may kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—na may pagkakakilanlan ng Diyos—ay matuwid. Samakatuwid, bukod sa hindi kinikilala ng mga anticristo na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kumakatawan sa Kanyang pagkakakilanlan, naniniwala rin sila sa mga baluktot na teorya at mga maling paniniwala na kumakalat sa lipunan. Naniniwala sila na totoo ang mga baluktot na teorya at maling paniniwalang iyon, at tanging ang mga nagtatagumpay sa mundong ito, na sinasamba at sinusunod, ang pwedeng tawaging ang mga diyos sa kanilang puso, at ang mga nasa puso nila na may pagkakakilanlan ng mga diyos. Halimbawa, sa mga alamat ng Tsina, may mga tauhan tulad ng Inang Reyna ng Kanluran, ang Jade Emperor, ang Walong Imortal, Guanyin, at ang Buddha—ang mga ito ang tunay na sinasamba ng mga anticristo sa puso nila. Sa mga alamat na ito, ang Jade Emperor ang pinakadakila; may kapangyarihan siyang parusahan ang mga makasalanan sa kalangitan sa pamamagitan ng pagpapababa sa kanila sa mortal na mundo. Kapag narinig ito ng mga anticristo, labis silang humahanga sa kanya, iniisip na, “Tunay na isang diyos ang Jade Emperor! Mayroon siyang asal, tindig, at mga kakayahan ng isang diyos!” Ang mga alamat na ito, kasama ang mga diumano’y imortal na pinag-aalayan ng publiko, ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa mga tao. Naniniwala sila, “May dakilang kasanayan at kapangyarihan ang mga diumano’y imortal na ito. Karapat-dapat silang tawaging mga diyos. Nagagawa nilang magbigay ng pahayag ng resolusyon sa kalangitan tungkol sa lahat ng hindi makatarungan at hindi kasiya-siyang bagay na nangyayari sa mundo, at kung naghahanap ng katarungan ang isang tao, makakakuha siya ng sagot mula sa mga imortal na ito. Halimbawa, ang mga makasaysayang tauhan tulad nina Bao Gong at Guan Gong ay nagtataguyod ng katarungan para sa sangkatauhan sa espirituwal na mundo. Kapag namaltrato ang isang tao, at hindi makatarungan ang mga hukuman, kung dadalhin niya ang kanyang kaso kay Bao Gong o Guan Gong, tiyak na makakamit niya ang katarungan.” Naniniwala ang mga tao na ang mga karakter na ito mula sa mga kwentong-bayan ay makakapagbigay ng katarungan para sa sangkatauhan, makapagpaparusa sa masasamang tao, at maiwawasto ang lahat ng kawalan ng katarungan sa mundo, na nagbibigay-daan sa mga nagdurusa at nahihirapan na tumigil na sa pagluha. Iniisip nila na ang mahihirap na tao na nasa laylayan ng lipunan, ang mga walang kakayahan at inaapi, ay kailangan lamang mag-alay, maniwala, at sumunod sa mga tauhang ito para makatakas sa lahat ng paghihirap nila, at malutas ang lahat ng pang-aabuso at pang-aaping kinakaharap nila. Katulad nito, sa kanilang puso at isip, naniniwala ang mga anticristo na ang mga diyos ay dapat maging katulad ng diumano’y Bodhisattva at Buddha, nilulutas ang lahat ng pagdurusa ng tao at inililigtas ang mga tao mula sa dagat ng kalungkutan. Halimbawa, ang isang lalaki na ang ina ay may malubhang sakit at hindi na magagamot ng medisina, ay napakabuting anak at ayaw niyang mamatay ang kanyang ina, kaya kada araw, nagsusunog siya ng tatlong piraso ng insenso at nag-aalay ng masasarap na pagkain at inumin sa isang idolo ng Guanyin Bodhisattva. Pagkatapos ay nangako siya: Kung magagamot ang sakit ng kanyang ina at mabubuhay siya ng 30 taon pa, handang ipalit ng anak ang 30 taon ng sarili niyang buhay, maging vegetarian habambuhay, at hindi na muling papatay ng anumang nilalang. Matapos niyang sunugin ang insenso, lumuhod at ibigay ang panatang ito, at ialay ang tapat niyang puso, gumaling ang sakit ng kanyang ina. Ibig bang sabihin nito ay narinig ni Bodhisattva ang panata ng anak? Ibig bang sabihin nito ay mabubuhay ang kanyang ina ng 30 taon pa at mababawasan ang buhay niya ng 30 taon? Hindi. Pero dahil naniniwala siya, kumbinsido siya na totoo ito. Pagkatapos ay sinimulan niyang tuparin ang panata niya sa pamamagitan ng pagiging vegetarian. Isang araw, naisip niya: “Gumaling na ang aking ina, at hindi na problema ang haba ng buhay niya, kaya pwede ko bang sirain ang panata ko sa hinaharap? Pwede ba akong kumain ng hita ng manok? Kung gusto kong kumain ng isa, pwede naman.” Pagkatapos niyang kainin ang hita ng manok, gumaan ang pakiramdam niya, at naging payapa ang kanyang puso, pero kinabukasan, nagsuka-tae siya, at ilang araw siyang nagkasakit at hindi bumubuti ang kalagayan niya. Sa ikaapat na araw, naisip niya: “Parusa ba ito mula sa Bodhisattva? Hindi ba niya ako pinapayagang kumain ng karne? Mukhang mahalaga talaga ang mga salitang sinabi ko noon—hindi ako pwedeng kumain ng karne!” Nang naisip niya ito, agad siyang nagsunog ng tatlong piraso ng insenso, nag-alay ng maraming masarap na pagkain, at inamin ang kasalanan niya. Gumaling kinabukasan ang sakit niya. Nang nakita niya na napakaepektibo ng Bodhisattva, mas lalo siyang naniwalang: “Kapag kumikilos ang mga tao, nagmamasid ang Bodhisattva. Hindi ko siya dapat lansihin, dapat kong tuparin ang panata ko, o haharapin ko ang parusa niya!” Mula noon, lalo niyang naramdaman na banal at hindi dapat labagin ang titulong “Bodhisattva.” Nagsusunog siya ng tatlong piraso ng insenso araw-araw at nag-aalay tuwing may mga pista at pista opisyal. Sa paglipas ng panahon, lalong lumakas sa gayong tao ang paniniwalang mga diyos ang mga idolong inaalayan ng mga tao tulad ng Jade Emperor, Guanyin Bodhisattva, Guan Gong, at iba pa. Naging matatag ang katayuan ng mga ito puso niya, nang walang anumang pag-aalinlangan o pagdududa. Kahit na hindi naranasan ng mga anticristo ang mga bagay na ito o hindi sila nag-alay sa mga idolo o clay figure na ito sa bahay, paminsan-minsan nilang naririnig o nararanasan ang mga gayong bagay sa mga kakilala nila. Halimbawa, naririnig nila kung paano pinagaling ni Buddha ang sakit ng isang tao o kung paano ito nagbigay ng hustisya sa pamamagitan ng pagpaparusa sa masasamang tao, o kung paano yumaman ang isang tao matapos ayusin ng isang Feng Shui master ang ilang bagay sa bahay niya, o kung paanong ang isang tao na kumonsulta sa isang Feng Shui master o Yin Yang master tungkol sa mga puntod at pagpili ng mga libingan ay nagdulot na maging matataas na opisyal o magtamasa ng malaking tagumpay sa propesyon nila ang kanilang mga inapo, at iba pa. Nag-iiwan ang mga bagay na ito ng impresyon sa isipan ng mga anticristo na dapat magtaglay ang mga diyos ng mga kakayahan at kapangyarihan tulad ng mga diumano’y buddha at emperador na ito na nakakasalamuha at nakikita ng mga tao sa pang-araw-araw nilang buhay. Iniisip pa nga nila na ang mga diyos ay dapat maging katulad ng mga idolong iyon na inaalayan ng mga tao, nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan sa mga tao para magdulot ng takot at pagkamangha. At kung hindi ito ginagawa ng isang diyos, iniisip nila na hindi ito dapat ituring na isang diyos. Sa mga gayong pananaw at pagkaunawa sa mga diyos, ano ang nagiging konsepto ng diyos para sa mga anticristo? Sa isipan nila, ang isang nilalang na tulad ng Jade Emperor, na kayang magpadala ng mga sundalo ng langit para itapon ang mga lumalabag sa mga batas ng langit sa mortal na mundo anumang oras at saanmang lugar, ay tunay na isang diyos, at ang siyang nagtataglay ng pagkakakilanlan ng isang diyos. O, isang idolo na inaalayan ng mga tao na kaya silang payamanin at mataas na opisyal—para sa mga anticristo, karapat-dapat ding magtaglay ng pagkakakilanlan ng mga diyos ang mga gayong nilalang. Ito ang panloob na pananaw at pagkaunawa ng mga anticristo tungkol sa pagkakakilanlan ng mga diyos. Kaya, kapag kumikilos ang Diyos sa lupain ng malaking pulang dragon, at inaaresto ang ilang kapatid, napipinsala ang iglesia, at nahahadlangan at nagugulo ang gawain ng Diyos, ano ang iniisip ng mga anticristo? “Kung ito ay diyos, bakit nangyayari ang mga gayong bagay sa iglesia? Kapag inaaresto ang mga kapatid, dapat magpakita ang diyos ng mga pangitain sa kalangitan, at magpadala ng kulog at galit, na magdudulot sa masasamang pulis na umaaresto sa mga kapatid para magtatakbo sa takot tulad ng mga takot na daga. Bakit hindi ko pa naririnig ang tungkol sa mga gayong pangyayari? Dahil sumusunod sa diyos ang mga taong ito at mga hinirang sila na tao ng diyos, bakit hindi sila inililigtas at pinoprotektahan ng diyos? Masugid at malupit na inuusig ng malaking pulang dragon ang mga sumusunod sa diyos. Bakit hindi pumaparito ang diyos sa lupa upang ipagkaloob ang katarungan para sa sangkatauhan? Bakit hindi hinahadlangan ng diyos ang malaking pulang dragon? Bakit hindi niya pinaparusahan ang malaking pulang dragon? Siguro naman, hindi lang kayang magsalita at magtustos ng katotohanan ng diyos na may pagkakakilanlan ng diyos? Kung ihahambing sa Jade Emperor, Guanyin Bodhisattva, at Buddha, mukhang walang dakilang kakayahan at kasanayan ang diyos. Sinasabi nila na may kapangyarihan at awtoridad ang diyos, ngunit nasaan ang kapangyarihan at awtoridad na ito? Tunay bang diyos ang isang nilalang na kayang magtustos lamang ng katotohanan at walang kapangyarihan at awtoridad ng isang diyos? Kapag malapit nang arestuhin ang mga kapatid, dapat maglagay ang diyos ng pader sa harap ng masasamang pulis, o gawin niya silang bulag at pilay, at gawin silang baliw o hangal. Bago pa man dumating ang panganib, dapat ipaalam ng diyos sa lahat ang paparating na panganib, dapat silang makarinig ng tinig, makaramdam ng malakas na sensasyon, at magkaroon ng malinaw na pag-iisip. Bakit hindi ginagawa ng diyos ang mga gayong bagay? Bakit hindi siya nagbibigay ng pahiwatig kapag papalapit ang ganitong uri ng sitwasyon? Kapag inaaresto, pinahihirapan, at inuusig ang mga tao, bakit hindi pinipigilan o pinaparusahan ng diyos ang mga diyablo at masasamang pulis na ito? Kapag pinoposasan nila ang mga kapatid, kapag hinahampas nila ng baton ang mga kapatid, bakit walang ginagawa ang diyos? Kung ito ay ang Jade Emperor o si Guanyin Bodhisattva, hindi niya kailanman hahayaang magdusa nang ganito ang mga tagasunod niya. Tiyak na makikialam at tutulong siya, gagawin niyang bulag ang masasamang pulis, babaluktutin ang mukha nila, gagawin silang mga baliw, papabulukin ang mga kamay at paa nila, bibigyan ng mga nakakamatay na sakit, at uudyukan sila na magpatayan. Bakit hindi ito ginagawa ng diyos? Nasaan nga ba ang diyos? Talaga bang umiiral siya? Kapag dumarating ang mga problema, hindi inililigtas ng diyos ang mga tao kahit na manalangin sila sa kanya, at hindi rin siya nagsasaayos ng mga sitwasyon para makatakas sila sa panganib. Kapag pinahihirapan ng masasamang pulis ang mga walang kalaban-labang taong ito, idinidikta ng sentido komun na dapat manghimasok, tumulong, at hindi basta na lamang tumayo sa isang tabi ang isang diyos, nang walang ginagawa, dahil hindi gusto ng mga diyos na makakita ng mga inhustisya sa mundo, at dapat na iligtas ng mga diyos ang mga tao mula sa kapighatian at iligtas ang lahat ng nilalang mula sa pagdurusa. Bakit hindi man lang ginagawa ng diyos na pinaniniwalaan ko ngayon ang mga gayong bagay? Talaga bang umiiral ang diyos na pinaniniwalaan ko?” Matapos makaranas ng maraming bagay, palaging nalilito at nagdududa ang mga anticristo. Pumupunta pa sila sa mga manghuhula at Yin Yang master habang naniniwala sila sa Diyos para magpabasa ng kapalaran, para malaman kung ano ang kinabukasan nila, para alamin kung makukulong sila, kung magiging maayos ang trabaho nila, kung may masamang tao na maghihiganti sa kanila, o kung may paraan para maiwasan ang pagkakakulong kung ito ang kapalaran nila.

Sa proseso ng paniniwala at pagsunod sa Diyos, laging may mga kuru-kuro na lumilitaw sa mga anticristo tungkol sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at palagi nilang tinatanong kung bakit nagsasalita lamang ang Diyos at hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan. Kahit na nagbabasa rin ang mga anticristo ng mga salita ng Diyos, hindi nila layunin na hanapin o tanggapin ang katotohanan, kundi binabasa nila ang mga ito nang may mentalidad ng pag-aaral at pagsusuri. Bilang resulta, bukod sa hindi sila nagkakaroon ng tunay na pananampalataya, lalo pa silang nagdududa, at nagkikimkim ng higit pang kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, habang lalo silang nagsisiyasat. Ang pangunahing kuru-kuro nila ay naniniwala silang dapat magkaroon si cristo ng sobrenatural na pagkatao. Iniisip nila: “Kung may normal na pagkatao si cristo at hindi nagpapakita ng mga tanda o kababalaghan, paano mapapatunayan na diyos siya?” Sa puso ng mga anticristo, tanging ang espiritu ng diyos ang diyos, at tanging ang isang laman na makakapagpakita ng mga tanda at kababalaghan ang diyos. Kung nagtatatglay lamang ng normal na pagkatao ang isang laman at hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, kahit na kaya niyang ipahayag ang katotohanan, hindi siya itinuturing na diyos. Samakatuwid, hindi nakakagulat na palaging pinagdududahan ng mga anticristo ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahit gaano pa karaming bagay ang mangyari sa kanya, ang uri ng tao na isang anticristo ay hindi kailanman sumusubok na harapin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan na nasa mga salita ng Diyos, lalong hindi nila sinusubukang makita ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos—ito ay dahil ganap silang hindi naniniwala na ang bawat linya ng mga salita ng Diyos ay katotohanan. Paano man ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, nananatiling hindi nakikinig ang mga anticristo, at bunga nito ay wala silang tamang saloobin anuman ang sitwasyong kinakaharap nila; partikular na, pagdating sa kung paano nila hinaharap ang Diyos at ang katotohanan, matigas na tumatanggi ang mga anticristo na isantabi ang kanilang mga kuru-kuro. Ang diyos na kanilang pinaniniwalaan ay isang diyos na nagsasagawa ng mga tanda at kababalaghan, ang isang sobrenatural na diyos. Sinumang nakakagawa ng mga tanda at kababalaghan—si Guanyin Bodhisattva man, si Buddha, o si Mazu—tinatawag nilang mga diyos. Naniniwala sila na ang mga diyos na may taglay na pagkakakilanlan ng diyos ang tanging makakagawa ng mga tanda at kababalaghan, at ang mga hindi nakakagawa, gaano man karami ang katotohanang kanilang naipapahayag, ay hindi tiyak na mga diyos. Hindi nila nauunawaan na ang pagpapahayag ng katotohanan ay ang dakilang kapangyarihan at pagka-makapangyarihan-sa-lahat ng Diyos; sa halip, iniisip nila na ang paggawa lamang ng mga tanda at kababalaghan ang dakilang kapangyarihan at pagka-makapangyarihan-sa-lahat ng mga diyos. Kaya, tungkol sa praktikal na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagpapahayag ng katotohanan para lupigin at iligtas ang mga tao, sa pagdidilig, pagpapastol, at pangunguna sa mga hinirang na tao ng Diyos, sa pagpaparanas sa kanila ng aktuwal na paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, at para maunawaan ang katotohanan, mawaksi ang mga tiwaling disposisyon nila, at maging mga tao na nagpapasakop at sumasamba sa Diyos, at iba pa—itinuturing ng mga anticristo ang lahat ng ito bilang gawain ng tao, at hindi ng Diyos. Sa isipan ng mga anticristo, dapat magtago ang mga diyos sa likod ng isang altar at himukin ang mga tao na mag-alay sa kanila, kinakain ang mga pagkaing inihahandog ng mga tao, nilalanghap ang usok ng insensong sinusunog ng mga tao, tumutulong kapag may problema ang mga ito, ipinapakitang napakamakapangyarihan nila at nagbibigay ng agarang tulong sa mga tao sa saklaw ng kung ano ang nauunawaan ng mga tao, at tinutugunan ang kanilang mga pangangailangan, kapag humihingi ng tulong ang mga tao at taimtim sila sa kanilang mga pagdalangin. Para sa mga anticristo, ang diyos lamang na kagaya nito ang isang tunay na diyos. Samantalang hinahamak naman ng mga anticristo ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa kasalukuyan. At bakit ganoon? Kung pagbabatayan ang kalikasang diwa ng mga anticristo, ang kinakailangan nila ay hindi ang gawain ng pagdidilig, pagpapastol, at pagliligtas na ginagawa ng Lumikha sa mga nilikha, kundi ang kasaganaan at katuparan ng mga pangarap sa lahat ng bagay, upang huwag maparusahan sa buhay na ito, at mapunta sa langit sa paparating na mundo. Kinukumpirma ng kanilang pananaw at mga pangangailangan ang kanilang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan. Mahilig ang mga anticristo sa kabuktutan, sa sobrenatural, at sa mga himala, at maging sa pagsamba sa mga kilos at maladiyablong salita ni Satanas at ng masasamang espiritu—na mga negatibo at buktot na bagay—bilang banal at bilang ang katotohanan. Itinuturing nila ang mga ito bilang mga pakay ng panghabambuhay nilang pagsamba at paghahangad, at bilang mga bagay na dapat pahalagahan at ipalaganap sa mundo. Dahil dito, hindi kailanman magbabago ang kanilang mga kuru-kuro at pananaw tungkol sa pagkakakilanlan ng Diyos habang sumusunod sila sa Diyos. Kung hindi maisasakatuparan ng mga gayong tao ang mga ambisyon nila sa sambahayan ng Diyos, kung hindi maitataas ang kanilang ranggo o kung hindi sila magagamit, at hindi nila makakamit ang mabilis at malaking tagumpay, magiging handa silang ipagkanulo ang Diyos anumang oras, sa anumang sandali, at saanmang lugar. Sampung taon nang nananalig ang ilan sa mga taong ito, ang iba naman ay 20 taon na, at aakalain mong mayroon na silang pundasyon, at hindi nila iiwan ang Diyos, pero sa realidad, handa silang ipagkanulo ang Diyos at bumalik sa sekular na mundo anumang oras. Kahit hindi sila umalis sa iglesia, ang mga puso nila ay lumayo na sa Diyos at ipinagkanulo na ang Diyos. Sa tuwing may pagkakataon o oportunidad, mananalig sila sa mga huwad na diyos at masasamang espiritu. Kung magkaroon sila ng pagkakataong makamit ang biglaang tagumpay, na maging isang mataas na opisyal, maging sikat, at matamasa ang kaluwalhatian at kayamanan, hindi sila mag-aatubiling lisanin ang iglesia at sumunod sa mga kalakaran ng sekular na mundo. Tinatanong ng ilang anticristo, “Kung diyos siya, bakit siya inuusig at hinahabol ng malaking pulang dragon? Kung diyos siya, bakit hindi siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan para puksain ang malaking pulang dragon? Napakaraming hinirang na tao ng diyos ang nahuli at inusig ng malaking pulang dragon. Bakit hindi sila pinoprotektahan at inililigtas ng diyos mula sa pang-uusig ni Satanas?” Katulad lamang ito ng iniisip ng mga Pariseo ng Judaismo, “Kung diyos si Jesus, bakit siya ipinako sa krus? Bakit hindi niya mailigtas ang sarili niya?” Hindi ito kailanman nauunawaan ng mga anticristo dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at hindi sila naniniwala na matutupad ang lahat sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Naniniwala lamang sila sa nakikita nila, at wala silang pananampalataya sa halaga o importansiyang ipinakita ng lahat ng gawaing ginawa ng Diyos. Hindi sila naniniwala na katotohanan ang bawat salitang ipinapahayag ng Diyos at na matutupad at magkakatotoo ang bawat salita Niya; hindi sila naniniwalang ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa mga pakana ni Satanas, o na ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon para maglingkod bilang isang hambingan na magbubunyag ng Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at na isinasakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya mga mananampalataya pa rin ba sa Diyos ang mga anticristo? Hindi. Ang mga anticristo ay mga taong tumatatwa at lumalaban sa Diyos; ganap silang mga hindi mananampalataya.

Ano ang mga pangunahing dahilan sa likod ng pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin ang pagkakakilanlan ng Diyos? Isa na rito ay ang hindi pagtutuwid ng Diyos sa lahat ng kawalan ng katarungan sa mundo, ang hindi Niya pagbibigay ng hustisya para sa sangkatauhan, o hindi agarang pagpaparusa sa mga gumagawa ng kasamaan, tulad ng iniisip ng mga anticristo na dapat Niyang gawin ayon sa mga kuru-kuro nila. Araw-araw, maraming nagaganap na hindi makatarungang pangyayari sa loob ng lahat ng bagay na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos, pero tila walang pakialam ang Diyos dito, at wala siyang sinasabi o ginagawa bilang tugon. Sa mata ng mga anticristo, ang lahat ng nakikita nilang nagaganap sa mundo na saklaw ng nararanasan nila ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila, at hindi dapat nangyayari. Bakit nila iniisip na hindi dapat mangyari ang mga bagay na ito? Iniisip nila: “Kung mayroong diyos, bakit hindi niya inaasikaso ang mga bagay na ito? Kung mayroong diyos, bakit maraming masamang tao ang namumuhay pa rin nang maayos? Bakit ang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap ay lalong naghihirap? Bakit ang mayayaman ay kumakain ng masasarap na pagkain araw-araw, at labis na nagsasaya, habang marami pa rin ang kailangang mamalimos ng pagkain? Bakit inaapi, sinusupil, at sinasamantala ang mga taong taos-puso? Bakit nagtatrabaho at nagpapawis ang ilang tao, gumagawa nang mahigit walong oras bawat araw para sa napakaliit na kita, samantalang sa isang oras ay kumikita ang iba nang higit sa kayang kitain ng isang tao sa buong buhay niya? Bakit hindi tinutugunan ng diyos ang mga kawalang-katarungang ito sa lipunan at sa mundo? Bakit ipinanganak ang ilan na may pilak na kutsara sa kanilang bibig habang ang iba ay ipinanganak sa kahirapan at kapaguran? Bakit nagagawang tamasahin ng ilan ang kaluwalhatian at kayamanan, at ang mapagmahal na kalinga ng kanilang mga pamilya sa buong buhay nila, habang ang iba ay hindi, kahit sila ay ipinanganak sa parehong panlipunang kapaligiran?” Walang hanggang palaisipan ang mga ito sa puso ng mga anticristo. Iniisip nila na dahil nananalig sila sa Diyos, dapat nilang ipaubaya sa Diyos ang lahat ng bagay na hindi nila makilatis o nauunawaan, at ang lahat ng palaisipang ito na hindi nila kayang lutasin, at hilingin sa Kanya na magbigay ng mga solusyon, at na dapat nilang makita ang mga sagot sa mga ito sa mga salita ng Diyos. Gayunpaman, matapos manalig sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon, hindi pa rin nila nahanap ang mga sagot na ito, at pagkatapos manalig sa loob ng walo hanggang 10 taon, hindi pa rin nila mahanap ang mga ito. Pagkatapos nilang manalig sa loob ng 20 taon, nagtataka sila, “Bakit wala pa rin akong nakukuhang sagot? Bakit hindi pa rin nalulutas ng diyos ang mga isyung ito? Bakit hindi kumikilos ang diyos tulad ni Guanyin Bodhisattva o tulad ng Jade Emperor? Ang diyos ay may awtoridad at kapangyarihan, at may pagkakakilanlan ng Diyos, kaya dapat ginagawa niya ang mga bagay na ito! Lalo na sa iglesia, bakit madalas na lumilitaw ang masasamang tao at nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, nagnanakaw pa nga ang ilan ng mga handog nang hindi man lang napaparusahan? Madalas na nagsisinungaling ang ilan, at nagpapakalat ng mga kuru-kuro at tsismis ang ilan, nang hindi dinidisiplina o pinaparusahan ng diyos; ang iba naman ay bigla na lamang humihinto sa pananalig sa diyos at nagtatrabaho sa lipunan, at pagkatapos ng ilang taon, yumayaman sila nang hindi man lamang naghirap kailanman. Ang ilang mananampalataya ay namumuhay nang mas mahirap kaysa sa mga hindi nananalig sa diyos. Sa katunayan, nagdurusa ang mga mananampalataya sa diyos, at marami sa kanila ang inuusig, hindi makabalik sa mga tahanan nila, at namumuhay sa kahirapan at kapighatian. Hindi naman siguro ito ang kahulugan ng pananalig sa Diyos? Hindi naman siguro ito ang halaga ng pagsunod sa diyos? Hindi naman siguro ito ang araw-araw na buhay na nais ibigay ng diyos sa mga tao? Kapag may mga bagay na hindi kayang gawin ng mga tao, bakit hindi gumagawa ng isang hindi pangkaraniwang bagay ang diyos para maunawaan at maintindihan nila ito agad? Maraming bagay ang hindi nauunawaan ng mga tao, at hindi nila alam kung bakit kumikilos ang diyos nang gayon. Bakit hindi nagsisindi ang diyos ng isang lampara upang bigyang-liwanag ang puso ng mga tao? Bakit hindi siya nagbibigay ng inspirasyon sa mga tao? Kapag gumagawa ng kasamaan ang mga tao, at nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, hindi tumitindig ang diyos para direktang isumpa ang masasamang taong iyon, at ipalasap sa kanila ang kaparusahan. Hindi pa ako nakakita ng maraming pagkakataong ginagawa ng diyos ang mga gayong bagay. Minsan, kailangan ng mga tao ang kaliwanagan, pagtanglaw, at pagtutustos ng diyos, kaya bakit hindi nila maramdaman o makita ang diyos? Nasaan ang diyos?” Ang lahat ng “bakit” na ito ay nananatiling walang sagot sa puso ng mga anticristo. Hindi nila nauunawaan kung bakit ang mga bagay at penomenang ito ay hindi kailanman nagbabago, nababaliktad, at lalong hindi bumubuti. Iniisip nila na ang pananalig sa Diyos ay dapat magdulot ng ganap na pagbabago sa mga tao, at na ang buong buhay nila, pananaw, kaisipan, at lalo na ang kalidad ng buhay nila, at ang kanilang mga abilidad at talento, ay dapat pawang umunlad sa isang positibong direksyon. Bakit hindi nila makita ang mga pagbabagong ito matapos ang 10 o 20 taon ng pagmamasid? Hindi kailanman nalulutas o natutupad ang mga bagay na pinapangarap o pinapantasya ng mga tao sa mga kuru-kuro nila matapos silang manalig sa Diyos. Kaya, ano ang kahulugan ng pananalig sa Diyos? Ano ang halaga ng pananalig at pagsunod sa Diyos? Nananatiling hindi nalulutas at walang sagot ang mga tanong na ito sa puso ng mga anticristo at hindi natatanto o natutupad ang mga ito ayon sa inaasahan ng mga anticristo, kaya hindi kailanman umiiral ang Diyos. At natural, ang Siyang may taglay ng pagkakakilanlan ng Diyos ay tinatanggihan sa isipan ng mga anticristo magpakailanman.

Masyadong maraming kontaminasyon ang pananampalataya ng mga anticristo sa Diyos. Sa realidad, hindi tunay na nananalig sa Diyos ang mga anticristo; puro pagpapanggap lang ang lahat ng ito. Nananalig sila sa Diyos katulad ng pagsamba ng mga walang pananampalataya sa mga diyablo at idolo. Mahirap para sa kanila na tanggapin ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at lagi silang nagkikimkim ng mga pagdududa at katanungan. Itinatago nila ang mga pagdududa at katanungang ito sa puso nila at hindi sila naglalakas-loob na ipahayag ang mga ito, at magaling din silang magpanggap, kaya kahit gaano katagal na silang nananalig sa Diyos, nananatili silang ganap na walang pananampalataya. Sinusukat nila ang Diyos at ang lahat ng Kanyang kilos gamit ang mga pantasya nila, iba’t ibang imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos, pati na rin ang ilang tradisyonal na kaalaman ng tao at kuru-kuro ng moralidad. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para sukatin ang pagkakakilanlan ng Diyos at kung tunay ba Siyang umiiral o hindi. At ano ang huling resulta? Itinatanggi nila ang pag-iral ng Diyos, at hindi kinikilala ang pagkakakilanlan at diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Hindi ba’t mali ang pamantayan ng pagsukat ng mga anticristo kung may taglay na pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ang nagkatawang-taong Diyos? Sa madaling salita, labis na iginagalang ng mga anticristo ang kaalaman at mga tanyag, dakilang tao, kaya wala sila kailanmang pagsalungat o anumang pagtutol sa mga bagay na mula sa mga tanyag, dakilang taong ito. Kaya, bakit nila kinamumuhian si Cristo kapag nakikita nila na isa Siyang normal at karaniwang tao, at nagsisimula silang makaramdam ng pagtutol at galit kapag nakikita nilang nagpapahayag si Cristo ng napakaraming katotohanan? Dahil hindi talaga positibo ang labis na iginagalang at kinagigiliwan nila, wala ni isang bahagi nito ang positibo. Ano ba ang gusto ng mga anticristo? Gusto nila ng kakaiba, kabuktutan, mga himala, at mga sobrenatural na bagay, habang pawang kinokondena sa mga mata ng mga anticristo ang pagiging normal at praktikal ng Diyos, ang tunay na pagmamahal ng Diyos sa tao, ang karunungan, katapatan, kabanalan, at katuwiran ng Diyos. Halimbawa, para magkaroon ng pagkilatis at praktikal na matuto ng aral ang mga kapatid, pinamatnugutan ng Diyos ang isang sitwasyon. Anong sitwasyon ito? Isinaayos Niya na manirahan kasama nila ang isang taong sinasapian ng demonyo. Sa simula, normal ang paraan ng pagsasalita at paggawa ng taong ito, gayundin ang pangangatwiran niya; hindi siya mukhang may problema. Pero pagkatapos makipag-ugnayan sa kanya sa loob ng ilang panahon, napansin ng mga kapatid na lahat ng sinasabi niya ay walang katuturan at walang tamang estruktura at pagkakasunud-sunod. Kalaunan, may mga nangyaring sobrenatural na bagay: Palagi niyang sinasabi sa mga kapatid na nakakita siya ng kung anong pangitain, at nakatanggap ng kung anong pagbubunyag. Isang araw, halimbawa, ibinunyag sa kanya na kailangan niyang magluto ng mga siopao—kailangan niyang gawin ito—at kinabukasan, nagkataon na kailangan niyang lumabas, kaya dinala niya ang mga siopao. Kalaunan, ibinunyag sa kanya sa isang panaginip na dapat siyang pumunta sa timog; may taong naghihintay sa kanya sa isang lugar na anim na milya ang layo. Pumunta siya, at doon mismo ay may taong naliligaw; pinatotohanan niya sa taong ito ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at tinanggap naman ito ng taong iyon. Palagi siyang nakakatanggap ng pagbubunyag, palagi siyang nakakarinig ng boses, palaging may mga sobrenatural na bagay na nangyayari sa kanya. Sa bawat araw, pagdating sa kung anong kakainin, saan pupunta, anong gagawin, kanino makikisalamuha, hindi siya sumusunod sa mga batas ng normal na buhay ng tao, ni hindi siya naghahanap ng mga salita ng Diyos bilang batayan o prinsipyo, o naghahanap ng mga tao para mapagbahaginan. Palagi siyang umaasa sa mga nararamdaman niya, at naghihintay para sa isang boses, o isang pagbubunyag, o isang panaginip. Normal ba ang taong ito? (Hindi.) Tila may regular na padron sa tatlong beses niyang pagkain sa isang araw, at sa pang-araw-araw niyang gawain, pero palagi siyang nakakarinig ng mga boses. Kinilatis siya ng ilang tao at sinabi ng mga ito na mga pagpapamalas ito ng pagsapi ng masamang espiritu. Unti-unti siyang nakilatis ng mga kapatid, hanggang isang araw, inatake siya ng sakit sa pag-iisip, nagsimula siyang magsalita ng mga kakaibang bagay, at tumakbo nang hubo’t hubad at gulo-gulo ang buhok, parang baliw. Doon natapos ang usapin. Hindi ba’t nagkaroon na ngayon ng kabatiran at pagkilatis ang mga kapatid sa mga partikular na pagpapamalas ng gawain ng masamang espiritu at pagsapi ng demonyo? Siyempre, naharap na ng ilan sa kanila ang mga gayong bagay dati, at mayroon na silang pagkilatis sa mga ito, habang hindi pa matagal na nananalig sa Diyos ang iba, at hindi pa napagdadaanan ang mga gayong bagay, at kaya malamang na maliligaw sila. Pero maligaw man sila o magkaroon ng pagkilatis, kung hindi isinaayos ng Diyos ang ganitong kapaligiran, magkakaroon ba sila ng tunay na pagkilatis sa gawain o sa pagsapi ng masamang espiritu? (Hindi.) Kaya, ano ba talaga ang layunin at kahalagahan ng pagsasaayos ng Diyos ng ganitong kapaligiran at paggawa ng mga bagay na ito? Ito ay para magkaroon sila ng praktikal na pagkilatis at matuto ng aral, at malaman kung paano kilatisin ang mga taong may gawain ng masasamang espiritu o sinasapian ng demonyo. Kung sasabihan lamang ang mga tao kung ano ang gawain ng masamang espiritu—katulad ng isang guro na nagtuturo mula sa isang aklat, at nagsasalita lamang tungkol sa mga teorya mula sa libro, nang hindi pinapagawa ng anumang aktwal na ehersisyo o pagsasanay ang mga estudyante niya—mauunawaan lang ng mga tao ang ilang doktrina at pahayag. Maipapaliwanag mo lang nang malinaw kung ano ang gawain ng masamang espiritu, at kung ano ang mga partikular na pagpapamalas nito, kapag personal mo itong nasaksihan, nakita ng sarili mong mga mata, at narinig ng sarili mong mga tainga. At kapag muli kang nakatagpo ng mga gayong tao, magagawa mo silang kilatisin at tanggihan; magagawa mong tugunan at pangasiwaan nang maayos ang mga gayong bagay. Kaya, hindi ba’t mas praktikal ang nakakamit mo sa gayong kapaligiran kaysa sa nakakamit mo mula sa pagdalo sa mga pagtitipon at pakikinig sa mga sermon buong araw? Ang mga taong may normal na pag-iisip at pagkamakatwiran, at naghahangad sa katotohanan ay magkakaroon ng tamang pag-unawa sa mga paraan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na ito. Hindi sila magrereklamo, na sinasabing, “Bakit tinutulutan ng Diyos na lumitaw sa iglesia ang masasamang espiritu? Bakit hindi ako binalaan ng Diyos nang maaga? Bakit hindi Niya nililinis ang masasamang espiritu?” Hindi sila magrereklamo tungkol sa mga bagay na ito, sa halip, magpapasalamat sila, pupurihin nila ang Diyos para sa Kanyang napakagaling at matalinong gawain, at sasabihing mahal na mahal ng Diyos ang tao! Gayumpaman, hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, at kasabay nito, puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ang puso nila, at talagang sinasamba nila sa kanilang puso ang mga diyablo at idolo, at ikinukumpara at sinusukat ang lahat ng ginagawa ng tunay na Diyos laban sa mga idolo nila. Kaya, kapag nahaharap sila sa mga gayong sitwasyon, una nilang iniisip, “Gawain ba ito ng diyos? Bakit napakahangal ninyo? Bakit tinulutan ng Diyos na lumitawsa iglesia ang masasamang espiritu?” Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? Una, itinatanggi nila na gawain ito ng Diyos at iniisip din nila, “Tiyak na hindi ito gagawin ng isang diyos. Ayaw ng mga diyos na magdusa ang mga tao. Kapag nakikita ni Guanyin Bodhisattva na nagdurusa ang mga tao, lumuluha ang mga rebulto niya; gusto niyang iligtas ang lahat ng nilalang mula sa pagdurusa, dalhin ang bawat tao sa pangalan ng Buddha, at iligtas sila mula sa lahat ng pagdurusa sa mundo. Dapat na maging mahabagin ang mga diyos, nagmamalasakit sa kanilang mga hinirang na tao, at hindi tinutulutan na lumitaw ang masasamang espiritu. Tiyak na hindi ito gawa ng diyos.” Kapag nangyari ang mga gayong bagay, sa puso ng mga anticristo, ang mga anticristo ay unang higit na nagdududa sa pagkakakilanlan ng Diyos, at kasabay nito ay ayaw nilang tanggapin ang mga gawa ng Diyos nang isang daan, isang libong beses, at hinuhusgahan at kinokondena pa nila ang mga ito. Pinagtatawanan din nila ang mga kapatid na tumatanggap ng bagay na ito mula sa Diyos, sinasabing, “Naniniwala pa rin kayong mga hangal na gawa ng diyos ang lahat ng bagay. Hindi kikilos nang ganito ang diyos! Dapat protektahan at alagaan ng diyos ang mga tupa niya, at harangan ang mga ito gamit ang kanyang mga kamay. Ang mga diyos ay kanlungan para sa mga tao; hindi dapat magdusa ang mga tao sa lahat ng paghihirap na ito. Hindi dapat mangyari sa mga tao ang lahat ng negatibo at masamang bagay, ganoon gumagawa ang mga diyos.” Ang puso ng mga anticristo ay puno ng mga pagdududa, pagtanggi, kuru-kuro, at pagkondena sa Diyos. Dahil dito, anuman ang gawin ng Diyos, sa mga mata nila, ay mali at hindi dapat ginagawa ng Diyos, at ebidensya at sandata ito para kondenahin at itanggi nila ang Diyos. Sa ganito, ganap na nabubunyag ang kalikasang diwa ng mga anticristo na lumalaban sa Diyos. Halimbawa, kapag nagtitiis ng pagpapahirap at pang-uusig ng CCP ang mga kapatid, pinapainit ng mga pulis ang mga bakal na pantatak hanggang sa mamula ang mga ito at idinidiin ang mga ito sa kanilang katawan, na nagdudulot ng sobrang sakit kaya nahihimatay sila, at nanlalamig ang dugo ng lahat ng naroroon. Ano ang iniisip ng mga anticristo kapag nakita nila ang ganitong tagpo? “Napakalupit ng mga Satanas at diyablong ito! Wala silang pagkatao, wala silang awa o habag. Napakabrutal ng pamamaraan nila, hindi ko kayang manood! Kung naroroon ako, papalamigin ko ang mga bakal na pantatak, gagawin ko itong koton, at dahan-dahan, may pagmamahal, at malumanay na ididikit ito sa katawan ng mga tao, katulad ng kamay ng isang diyos na hinahaplos ang mga tupa niya, na nagpaparamdam sa mga tao ng kanyang mahabaging puso, ng kanyang pagmamahal at init, at nagpapalakas pa sa kanilang pananampalataya at determinasyon na sumunod sa kanya. Ngunit ang mga tao ay tao lamang—wala tayong kapangyarihang gumawa ng anuman habang pinapanood ang ating mga kapatid at kapwa tao na nagdurusa nang husto. At nasaan ang diyos? Bakit hindi pinipigilan ng diyos ang mga kamay ng mga Satanas at diyablo sa sandaling ito? Bakit hindi niya pinapalamig ang mga mainit bakal na pangtatak? Kapag dumikit ang mga bakal na pangtatak sa mga kapatid, bakit hindi ginagawa ng diyos na hindi nila maramdaman ang sakit? Kung si Guanyin Bodhisattva ito, tiyak na gagawin niya ito; ayaw niyang makitang inaabuso ng mga nilalang ang isa’t isa at na nagpapatayan ang mga ito, ayaw niyang makita ang sinuman sa kanila na nagdurusa ng kahit kaunting pang-aapi o sakit. Isinasaalang-alang niya ang lahat ng nilalang, mas malawak kaysa sa langit ang puso niya, at walang hanggan ang kanyang pagmamahal. Iyan ang tunay na diyos! Bakit hindi ganito kumilos ang diyos? Hindi ako diyos, wala akong ganitong abilidad. Kung isa akong diyos, hindi ko hahayaang magdusa nang ganito ang mga tao ko.” Anuman ang mangyari sa kanila, may sariling pananaw, paninindigan, opinyon, at maging mga “matalinong ideya” ang mga anticristo. Anuman ang mangyari sa kanila, hindi nila ito kailanman iniuugnay sa mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan para maunawaan ang Diyos, para magpatotoo sa Diyos, para kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng Diyos, para kumpirmahin kung saan at paano naipapahayag ang diwa ng Diyos na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos—hindi nagsasagawa ang mga anticristo sa ganitong paraan. Sa halip, sa bawat pagkakataon ay sinusukat at nakikipagtagisan sila sa Diyos gamit ang mga perspektiba ni Satanas, ng iba’t ibang masamang espiritu, o nina Guanyin Bodhisattva at Buddha. Ano ang huling resulta nito? Itinatanggi ng mga anticristo ang Diyos sa bawat pagkakataon, itinatanggi ang Kanyang mga kilos at diwa, ang kahulugan at halaga ng lahat ng Kanyang ginagawa, at kung paano ito nagpapatibay sa mga tao. Itinatanggi nila ang epektong nais makamit ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan, at ang pag-iral ng mga layunin ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtanggi sa importansiya at kahalagahan ng lahat ng ginagawa ng Diyos, hindi ba’t itinatanggi ng mga anticristo ang pagkakakilanlan ng Diyos? (Oo, ganoon nga.) Ang mga pagpapamalas at diwa ng mga anticristo, ang mga iniisip na kanilang ibinubunyag, at ang galit, mga hinihingi, kawalan ng kasiyahan, at mga katanungang mayroon sila tungkol sa Diyos kapag may mga nangyayari sa kanila, at iba pa, ay pawang kongkretong pagpapamalas ng hindi pagkilala ng mga anticristo sa pagkakakilanlan ng Diyos. Ito ang mga katunayan.

Anong diwa ng mga anticristo ang napansin mo sa pamamagitan ng pagbabahaginan at paghihimay na ginawa natin tungkol sa mga pagpapamalas at pinagmumulan ng pagtanggi ng mga anticristo sa pagkakakilanlan ng Diyos? Napapansin mo ba na mga siniko ang mga anticristo sa mundong ito at mahal nila ang katarungan at katuwiran? Ang mga anticristo ba ay mga taong may mabait na pagkatao, habag, awa, dakilang pagmamahal, at pagkamuhi sa kabuktutan? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng mga tao ang mga anticristo? (Masasamang tao sila na napopoot at tutol sa katotohanan, na laging kumakalaban sa Diyos sa bawat pagkakataon.) Isang aspekto iyan. Ano pa? Hindi ba’t sumasang-ayon ang mga anticristo sa kasabihang, “Ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng daan ay nauuwi sa pagkabulag, samantalang tinitiyak ng mga mamamatay-tao at arsonista na dumarami ang kanilang mga anak”? Hindi ba’t nangangahulugan ito na nagluluksa sila sa kalagayan ng mundo at naaawa sa sangkatauhan? Ano ang kalikasan ng pagsang-ayon nila sa kasabihang ito? Hindi ba’t nakapaloob sa kasabihang ito ang isang reklamo tungkol sa kawalan ng katarungan sa Langit? Bagaman wala silang magawa tungkol dito, nagkikimkim ang mga anticristo ng gayong sama ng loob at mga damdamin at nagrereklamo sila na hindi makatarungan ang Langit: “Hindi ba’t sinasabi na makatarungan ang langit at na may mga mata ang langit? Kung gayon, bakit hindi umaani ng mga gantimpala ang mga gumagawa ng mabuti sa mundong ito, samantalang yumayaman ang masasamang tao? Nasaan ang katarungan sa mundong ito? Paano nagkakaroon ng mga bagay na hindi makatarungan sa mundong ito? Dahil bulag at hindi makatarungan ang langit!” Ang ipinapahiwatig na kahulugan dito ay na walang katarungan sa Diyos, at tanging sina Buddha at Guanyin ang makatarungan. Kaya naman, puno ng sama ng loob, reklamo, pagtanggi, at pagkondena sa mga bagay na ginagawa ng tunay na Diyos ang puso ng mga anticristo. Ano ang sanhi ng lahat ng ito? Ano ang dahilan nito? Dulot ito ng diwa ng mga anticristo. Anong diwa ito? Sa mas detalyadong pananalita, puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa kahulugan ng isang diyos ang puso ng mga anticristo; hindi nila alam o nauunawaan kung paano eksaktong kumikilos at nagliligtas ng mga tao ang tunay na Diyos. Batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon ang kanilang ebalwasyon sa lahat ng ginagawa ng Diyos. At saan nakabatay ang mga ito? Ganap na nakabatay ang mga ito sa iba’t ibang maling paniniwala at panlilinlang na itinanim sa sangkatauhan ng diyablong hari na si Satanas. Kahit gaano kabuktot o kahit may kinikilingan ang mga maling paniniwala at panlilinlang na ito, umaayon ang mga ito sa mga kuru-kuro, sikolohikal na pangangailangan, at emosyonal na pangangailangan, at ang mismong mga bagay na ito ang nagiging pamantayan ng mga anticristo sa kanilang pag-asal at pagsukat sa lahat ng bagay, pati na ang pamantayan nila sa pagsukat sa Diyos; mali ang pinakaugat ng mga anticristo. Ang isa pang mas mahalagang dahilan ay mahilig sa kapangyarihan at mararangyang bagay ang mga anticristo. Halimbawa, ipagpalagay na ipinanganak sa isang palasyo ang isang tao, at nakakatamasa ng napakaespesyal na pagtrato araw-araw, kumakain ng pinakamasasarap na pagkain at nagsusuot ng pinakamagagandang damit, hindi nila kailangang gumawa ng anuman, at nakukuha nila ang anumang gusto nila. Hinahangad ba ng mga taong nananalig sa Diyos ang ganitong uri ng buhay? Makakaramdam ng kaunting inggit o selos ang isang normal na tao, pero iisipin niya pagkatapos, “Inorden ng Diyos ang lahat ng ito. Saanman tayo ilagay ng Diyos, doon tayo maninirahan. Hindi matitiyak na angkop sa atin ang ganoong buhay. Makakapanalig ba sa Diyos ang isang tao sa gayong kapaligiran? Mauunawaan ba niya ang katotohanan at maliligtas ba siya? Magiging mahirap iyon. Sapat na ang ibinigay sa atin ng Diyos; basta nakakapanalig tayo sa Diyos at nasa tamang kondisyon tayo para basahin ang mga salita ng Diyos, gawin ang tungkulin natin, at makamit ang kaligtasan sa huli, iyon ang pinakamasayang bagay.” Pero ganito ba mag-iisip ang mga anticristo? (Hindi.) Iisipin nila, “Bakit hindi emperador ang tatay ko? Kung isang mayamang tao o isang emperador ang tatay ko, talagang magiging makabuluhan ang buhay ko. Bakit isang emperador ang tatay niya? Bakit siya namumuhay nang walang alalahanin, hindi nag-aalala sa pagkain o damit, nakukuha niya ang anumang gusto, lagi siyang may pera at kapangyarihan sa mga kamay niya? Hindi makatarungan ang langit! Hindi naman siya ganoon kagaling, at wala siyang talento, edukasyon, o talino. Sa anong batayan niya nakuha ang lahat ng bagay na ito? Bakit hindi ko makuha ang mga ito? Kung hindi ko makuha ang mga bagay na iyon, at nakukuha iyon ng iba, kamumuhian ko sila! At kung hindi ko sila kayang kamuhian, kamumuhian ko ang langit dahil sa pagiging hindi makatarungan nito at pagsasaayos ng masamang kapalaran para sa akin, at kamumuhian ko ang masamang kapalaran ko, kamumuhian ko ang napakasamang tao na humaharang sa aking daan, at kamumuhian ko ang masamang feng shui ng bahay ko!” Ano ang tumatakbo sa isipan nila? Kapag sumiklab ang galit sa puso ng mga anticristo, maaaring lumabas sa bibig nila ang lahat ng uri ng mapanlinlang na argumento.

Sa panlabas, tila napakabuti ng mga anticristo, ngunit sa katunayan, walang positibo sa mga bagay na sinasamba at hinahangad nila. Dahil sa mga salawikain at kasabihang ipinapangaral nila, maaaring mukha silang nagluluksa sa kalagayan ng mundo at naaawa sa sangkatauhan, at parang nagkikimkim sila ng kabutihang loob sa kanilang puso, pero sa katunayan, ganap na mga diyablo at Satanas sila. Kung magkakaroon sila ng kapangyarihan at aangat sa mundong ito, kaya ba nilang gumawa ng kasamaan? Kaya ba nilang maging mabuting tao? Mga buhong sila na puno ng mga kasuklam-suklam na kasalanan. Dahil hindi sila makapagkamit ng kapangyarihan at hindi sila masyadong umaasenso sa mundo, nadarama nila na medyo naaagrabyado sila at pagkatapos ay nananalig at sumusunod sila sa Diyos. Gayumpaman, sa diwa, hindi talaga nila gustong hangarin ang katotohanan, at lalo hindi nila mahal ang mga positibong bagay; sa halip, tutol sila sa mga positibong bagay at mahal nila ang masasamang puwersa, kapangyarihan, marangyang pamumuhay, at ang masasamang kalakaran ng mundo. Samakatuwid, hinahamak nila ang lahat ng ipinapahayag at ginagawa ng Diyos na nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at kinokondena, hinuhusgahan, at sinisiraan nila ang mga ito. Gaano man kahalaga o makabuluhan ang gawain ng Diyos para sa mga tao, hindi nila ito kinikilala o tinatanggap. Hindi lang nila hindi tinatanggap ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, kundi nais din nilang magpanggap bilang isang diyos, magpanggap na isang tagapagligtas na kayang iligtas ang lahat ng nilalang mula sa pagdurusa, na makasisiguro na hindi mabubulag ang mga nagtatayo ng mga tulay at nag-aayos ng mga kalsada, na mapaparusahan at hindi magkakaroon ng mga anak na magpaparami ang mga mamamatay-tao at arsonista, at na ang mga tao sa laylayan ng lipunan at nagtitiis ng pagdurusa ay hindi na magdurusa at magkakaroon sila ng lugar para maipahayag ang kanilang mga hinaing. Gusto nilang alisin ang lahat ng sakit sa mundo at iligtas ang mga tao mula sa kapighatian. Talagang nagkikimkim ng “unibersal na pagmamahal” at isang walang katapusang “dakilang pagmamahal” ang mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso! Matapos isaalang-alang ang lahat ng ito, ano nga ba talaga ang dahilan sa likod ng pagtanggi ng mga anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? Sinasabi nila: “Anuman ang ginagawa ng diyos, hindi siya tulad ng isang diyos. Ako ang pinakakatulad ng isang diyos; ako ang pinakakwalipikadong maging diyos. Ito ay dahil ang ginagawa ng diyos ay hindi angkop sa aking mga panlasa o ayon sa mga panlasa at pangangailangan ng masa; ako lang ang nakakaintindi sa mga pangangailangan at isipan ng masa, ako lang ang makakapagligtas sa lahat ng nilalang mula sa pagdurusa, at ako lang ang pwedeng maging tagapagligtas ng sangkatauhan.” Nailantad na ang kanilang mga ambisyon at diwa, hindi ba? Ano nga ba ang tunay na anyo ng mga anticristo na may mga gayong ambisyon at diwa? Ito ay ang arkanghel, ang diyablong si Satanas. Itinatanggi nila ang pagkakakilanlan ng Diyos at hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos dahil nais nilang maging diyos mismo. Naniniwala sila na ang mga iniisip nila ay kung ano ang dapat iniisip ng isang diyos, at na ang kanilang mga pagpapamalas, disposisyon, at diwa ng dakilang pagmamahal ang dapat taglayin ng isang diyos. Iniisip nila na tanging ang isang tao na may mentalidad ng pagluluksa sa kalagayan ng mundo at pagkaawa sa sangkatauhan kapag nakikita ang lahat ng kawalang katarungan sa mundo ang isang diyos. Iniisip nila na wala ang mga katangiang ito sa Diyos na pinaniniwalaan nila, na tanging sila lang ang may ganitong isipan at ganito kalaking puso, nagtataglay ng ganitong uri ng kabutihan at dakilang pagmamahal. Ito ang diwa ng mga anticristo, ang iba’t ibang pagpapamalas at diwa ng kanilang pagtanggi na kilalanin ang pagkakakilanlan ng Diyos. Samakatuwid, kung iginagalang mo ang mga anticristo bilang mga diyos at sinasamba mo sila, hindi sasama ang loob nila sa iyo. Kung susundan mo sila, sinasabing ang kanilang pagkakakilanlan at diwa ay tulad ng sa mga diyos, na ang kanilang isipan at dakilang pagmamahal ay katulad kay Buddha, at na mga diyos sila, magagalak sila at lubos na masisiyahan sa iyo. Ito ang diwa ng mga anticristo. Hindi ba’t buktot ang diwang ito na ipinapakita ng mga anticristo? Gaano mo man itaas ang pangalan ng Diyos at ang Kanyang mga kahanga-hangang gawa, at gaano ka man magpatotoo sa lahat ng ginawa ng Diyos at sa mga halagang ibinayad Niya para sa kaligtasan ng tao, magiging mapanlaban sila sa kanilang puso, sinasabing, “Hindi ko ito kayang purihin. Hindi ko ito nakikita sa ganoong paraan; pawang pangangarap nang gising at imahinasyon lamang ng tao iyon.” Kapag nagpatotoo ka sa Diyos, sa Kanyang karunungan, sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, sa Kanyang masikap na layuning iligtas ang sangkatauhan, at sa mga halagang Kanyang ibinayad, at nagpatotoo ka sa Kanyang diwa, sa Kanyang pagkakakilanlan, at sa lahat ng ginawa ng Lumikha para sa sangkatauhan, isang uri lamang ng tao ang nababalisa, at iyon ay ang mga anticristo. At ano ang iniisip nila? “Bakit palagi mong tinatalakay ang tungkol sa diyos? Diniligan at sinuportahan din kita nang husto. Minahal kita, tinulungan kita, binilhan kita ng gamot noong may sakit ka, at sinuportahan kita, nagbahagi ako sa iyo, at sinamahan kita noong inabandona ka ng iba. Bakit hindi mo ako pinupuri?” Sa sandaling may magpatotoo o magpuri sa Diyos, sumasama ang loob ng mga anticristo at kinamumuhian nila ang nagpatotoo dahil sa inggit. Ano ang nararamdaman ng mga normal na mananampalataya sa Diyos kapag naririnig nilang pinupuri ng isang tao ang Diyos? Una, tutugon sila ng “Amen” sa sinabi ng taong iyon at sa patotoong batay sa karanasan na ibinahagi ng taong iyon. Dagdag pa rito, makikinig sila nang mabuti, iniisip nila, “Ganoon kumilos ang Diyos sa kanila—napakabuti ng Diyos, tunay na mahal Niya ang tao! Hahanapin ko rin ang katotohanan kung sakaling makaranas ako ng katulad na sitwasyon sa hinaharap. Nasaktan nila ang Diyos dahil sa pagkilos sa ganoong paraan; kumilos din ako nang ganoon noon, hindi ko lang iyon namalayan. May pagkakautang ako sa Diyos! Kapaki-pakinabang sa mga tao ang pagkilos ng Diyos sa ganitong paraan, at hindi ko ito natanto. Mukhang mas maliit ang tayog ko kaysa sa tayog ng taong ito, hindi dalisay ang pag-unawa ko, at mahina ang kakayahan ko. Ipinapanalangin ko na liwanagan at gabayan ako ng Diyos, na isang taong maliit ang tayog. Paano sila hindi nanghina sa pagharap sa mga pagsubok? May gabay sila ng mga salita ng Diyos. Kung ako ang nahaharap sa mga gayong kalagayan, manghihina ako at baka madapa pa ako. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang kabutihan sa akin sa pamamagitan ng pagpansin sa maliit kong tayog at hindi Niya pa ako hinayaang harapin ang ganoong uri ng sitwasyon. Mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos!” Pero hindi natutuwa ang mga anticristo kapag naririnig nila ito: “Ano? Mabuti ang lahat ng ginagawa ng diyos? Nasaan ang kabutihang ito? Kung mabuti ang lahat ng ginagawa ng diyos, bakit negatibo at mahina ang mga tao? Kung mabuti ang lahat ng ginagawa ng diyos, bakit may mga taong pinapatalsik? Kung mabuti ang lahat ng ginagawa ng diyos, bakit laging may mga pagkagambala at kaguluhan habang ipinapalaganap ang ebanghelyo at habang ginagawa ang mga tungkulin? Nakagawa ako ng napakaraming mabuting gawa; ginugol ko ang sarili ko, naghandog ako, at nagkamit ako ng mga tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo. Bakit walang pumupuri sa akin? Bakit walang ibinibigay ang diyos sa akin na anumang kapalit, anumang gantimpala? Kung nahihiya ang mga tao na purihin ako nang harap-harapan, ayos lang kung gagawin nila ito sa likod ko. Bakit walang pumupuri o bumabati sa akin? Wala ba akong anumang kabutihan?” Sumasama ang loob nila. Kung may pumuri sa isang karaniwang tao, walang masyadong mararamdaman ang mga anticristo. Ngunit sa sandaling may magpatotoo sa dakilang kapangyarihan, dakilang pagmamahal, at karunungan ng Diyos, o sa pagkakakilanlan ng Diyos, nakakadama ng pagkamuhi at inggit ang mga anticristo. Tuwing may handang magpasakop sa Diyos, maging isang wastong nilikha at maging isang taong hindi lumalampas sa mga hangganan niya at nagpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, hindi ito nagugustuhan ng mga anticristo, sinasabi nila, “Bakit handang-handa at aktibong-aktibo kang nagpapasakop sa Diyos? Bakit napakahirap para sa inyo na pakinggan ang sinasabi ko? Hindi naman mali ang sinasabi ko!” Gusto nilang maging mga tagasunod nila ang mga tao, na pinupuri sila ng mga tagasunod na ito sa bawat pagkakataon, binabanggit ang pangalan nila, na may puwang sila sa puso ng mga tagasunod, napapanaginipan pa nga ang kanilang mga kabutihan at kalakasan, at pinupuri sila sa lahat ng makakasalubong nila. Kung magkakasakit sila at hindi magpapakita, sasabihin ng mga tao, “Ano ang gagawin namin kung wala ka? Kung wala ka, magkakawatak-watak kami; hindi kami makakapagpatuloy sa pananalig o sa pamumuhay!” Kung maririnig ito ng mga anticristo, labis silang matutuwa, at para marinig ito ay handa nilang tiisin ang anumang pagdurusa o magtiis nang ilang araw na hindi kumakain o natutulog. Pero kung walang pumupuri, gumagawang huwaran, sumasamba, o sumiseryoso sa kanila, sumasama ang loob nila at nagkikimkim sila ng pagkamuhi sa kanilang puso—ito ang isang tipikal na anticristo. Sa madaling salita, hindi kailanman kikilalanin ng mga anticristo ang pagkakakilanlan ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, lalo na ang gawaing ginawa sa kanila ng Siyang nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, hindi rin nila kinikilala o tinatanggap ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa sangkatauhan.

B. Pagtangging Kilalanin ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos sa Lahat ng Bagay

Susunod, magbahaginan tayo tungkol sa ikalawang pagpapamalas ng “Hindi sila naniniwala na mayroong Diyos, at itinatanggi nila ang diwa ni Cristo”: ang pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Para sa mga anticristo, sadyang hindi umiiral ang Lumikhang nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, isa lang Siyang alamat. Kung gayon, pwede bang kilalanin ng mga anticristo ang katunayan na ang Lumikha ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Hindi na kailangang sabihin na hindi nila kinikilala ang katunayang ito. Hindi nila ito kinikilala, at nakabatay rin ito sa mga katunayan. Ang paniniwala, kaalaman, at pagkaarok ng mga anticristo tungkol sa Diyos ay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, sa ilang pananaw at pagkaunawa ng tao sa mga idolo, at sa mga maling paniniwala at panlilinlang na ginagamit ng mga idolong iyon upang iligaw ang mga tao. Naaayon o taliwas ba sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ang mga kuru-kuro, imahinasyon, maling paniniwala, panlilinlang, at iba pang bagay sa puso ng mga anticristo? Siyempre, taliwas ang mga ito sa katunayang ito. Nililigaw ang mga tao ng mga idolong pinag-aalayan nila sa pamamagitan ng paglalatag ng ilang maling paniniwala at panlilinlang na naaayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at panlasa ng tao, para makakuha ng matatag na pwesto sa sangkatauhan, tulad ng “Ang Buddha ay mabait,” “Pinahahalagahan ng langit ang mga buhay na nilalang,” “Ang pagsagip ng isang buhay ay mas mabuti kaysa sa pagtatayo ng pitong palapag na pagoda,” at “Ang nakatadhana ay mangyayari, at ang hindi nakatadhana ay hindi dapat ipilit.” Ano pa? (May diyos tatlong talampakan sa itaas mo.) Nasaan ang tatlong talampakan sa itaas mo? Nasa hangin iyan, kung saan naninirahan si Satanas. Ano ang “diyos” na ito? (Si Satanas.) At ano ang kasabihang madalas gamitin ng mga Budista? (Ang mabuti ay sinusuklian ng mabuti, at ang masama ay sinusuklian ng masama; ang mga bagay na ito ay masusuklian, hindi pa lang dumarating ang oras.) Itinuturing ng mga tao bilang ang katotohanan ang mga positibong kasabihan at pilosopikal na teoryang ito na madalas sinasabi sa mundo, pero sa katunayan, ang mga salitang ito ba ang katotohanan? Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng mga ito at ng katotohanan? (Wala.) Tulad ng “Ang mabuti ay sinusuklian ng mabuti, at ang masama ay sinusuklian ng masama; ang mga bagay na ito ay masusuklian, hindi pa lang dumarating ang oras”—ano ang ibig sabihin ng “ang mabuti ay sinusuklian ng mabuti”? Ano ang tinutukoy na “mabuti”? Ito ba ay katarungan, katotohanan, o kaunting kabutihan ng tao? (Ito ay kabutihan ng tao.) Talaga bang sinusuklian ng mabuti ang kaunting kabutihan ng tao? Hindi ito tiyak. “Ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng daan ay nauuwi sa pagkabulag”—mga gawa ng kabutihan ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng daan, kaya bakit ito nauuwi sa pagkabulag? Mayroon bang gantimpala para sa mga gawang ito? (Wala.) “Masama sa masama”—masama ang pagpatay at pagsunog, kaya sinusuklian ba ito ng masama? (Hindi.) Bakit hindi? “Habang ang mga mamamatay-tao at mga arsonista ay tinitiyak na dumadami ang kanilang mga inapo”—pinabubulaanan ng mga salitang ito ang “masama laban sa masama.” “Ang mga bagay na ito ay masusuklian, hindi pa lang dumarating ang oras”—ano ang ibig sabihin ng “hindi pa lang dumarating ang oras”? Ano ang ibig sabihin ng pagdating nito? Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, itinuturing nila ang mga salita at kasabihang ito bilang mga positibong bagay at katotohanan. Tinatanggap ng mga tao na may hungkag na puso at walang pinagkukunan ng espirituwal na panustos ang mga diumano’y tamang salitang ito bilang espirituwal na panustos nila, bilang isang uri ng espirituwal na aliw, upang aluin ang sarili nila, “Ayos lang, may pag-asa pa sa buhay, may katarungan at katuwiran pa rin sa mundong ito, at may isang tao pa ring magtataguyod ng katarungan. Posible pa ring makakuha ng makatarungang resulta, at sa huli ay magkakaroon ng pahayag ng resolusyon sa lahat ng ito.” Tunay na pagkaunawa ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay ang mga kasabihang iyon? Tunay na pagpapamalas ba ang mga ito ng pagkilala ng mga tao sa katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? (Hindi.) May kaugnayan ba ang mga kasabihan o salawikaing sinasabi ng mga tao sa katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? (Wala.) Bakit wala? (Ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan.) Pinatutunayan ito ng sagot mo sa teoretikal na antas, ngunit ano ang ugat na dahilan? Ang ugat na dahilan ay malayo sa pagiging kasingsimple ng doktrinang ito, malayong maipaliwanag ito sa isang pangungusap lamang na ito. Dahil hindi ganoon kasimple ang usapin ng pagiging may kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, paano ito dapat maunawaan? Tulad ng ating pinagbahaginan dati, hindi kinikilala ng mga anticristo na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay. Anuman ang tinitingnan ng mga anticristo, palagi nila itong sinisiyasat at sinusuri mula sa perspektiba ng isang tagamasid, at ng isang materyalista na itinuturing ang pera at kapangyarihan bilang buhay. Kung titingin ang isang tao sa anumang bagay mula sa gayong perspektiba at pananaw, hindi ba’t magbabago ang diwa ng usapin? Hindi ba’t mag-iiba ito? Ano ang magiging huling resulta kung titingnan ng isang tao ang mga batas at tuntunin ng pag-unlad ng lahat ng bagay mula sa perspektiba ng isang materyalista? Hindi ba’t ang pananaw ng isang materyalista sa mundo ay magbubunga ng mga pilosopiya, estratehiya, metodo, at pamamaraan ng tao para sa mga makamundong pakikitungo? Hindi ba’t magbubunga ito ng mga patakaran sa laro? (Oo.) Ito ang resulta, at naririto ang diwa ng usapin.

Paano tinitingnan ng isang materyalista ang kapangyarihan? Naniniwala siya na kung gusto ng isang tao na makamit ng kapangyarihan, una, kailangan niyang magkaroon ng mga estratehiya; ikalawa, kailangan niyang mamanipula ang iba’t ibang uri ng tao; ikatlo, kailangan niyang maging malupit; at ikaapat, kailangan magawa niyang magbago. Hindi ba’t ito ang pananaw ng isang materyalista? Mayroon ba ritong bakas ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Wala.) Paano nabuo ng mga materyalista ang mga pananaw na ito sa kapangyarihan? Hindi ba’t bunga ng diwa ng mga anticristo ang mga pananaw na ito? (Oo.) Anong diwa ng mga anticristo? Sabihin mo sa Akin, kung walang buktot na diwa ang mga anticristo, maiisip ba nila ang mga salitang “kayang manipulahin ang mga tao”? Iisipin ba nila na “kailangan nilang magkaroon ng mga estratehiya”? Sasabihin ba nila na “kailangan nilang magawang magbago”? Kung wala silang masamang diwa, sasabihin ba nila na “kailangan nilang maging malupit”? (Hindi.) Tinutukoy ito ng diwa ng mga anticristo. Mga ideya lamang ba na umiiral sa isipan nila ang iba’t ibang kaisipang nilikha ng kanilang diwa, o magkapareho ba ang mga prinsipyo nila sa mga makamundong pakikitungo at ang asal nila sa pang-araw-araw na buhay? (Pareho ang mga prinsipyo nila sa mga makamundong pakikitungo.) Palagi silang nagbubuod sa kanilang pang-araw-araw na buhay at sa mga grupo, kaya nagiging mas maunlad at bihasa ang mga estratehiya nila, at sa huli ay nagiging sobrang masama. Ano ang ibig sabihin ng sobrang masama? Ibig sabihin nito ay sapat na silang malupit, walang awa, at tuso. Ang pagpapamalas nila ng kalupitan, kawalan ng awa, at katusuhan ay makapagpapasakop ba sa kanila sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Tiyak na hindi. Samakatuwid, bata man sila o matanda, ginagawa ng mga anticristo ang lahat ng bagay batay sa sarili nilang mga pilosopiya, batas, patakaran sa laro, estratehiya, at karanasan. Naaayon o salungat ba ang lahat ng ito sa katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? (Salungat.) Kapag ipinapatupad ng mga anticristo ang lahat ng batas na nilikha nila sa pamamagitan ng kanilang mga pagbubuod, ano ang kanilang prinsipyo at pakay? Ano ang motibasyon nila? Sinasabi nila, “Kung gusto mong makuha ang gusto mo, kailangan mong matutong gawin ang lahat ng kailangang gawin, at gawin ang lahat, maging sapat na malupit, walang awa, at tuso, tulad ng kasabihan, ‘Gaya ng hindi maginoo ang lalaking may makitid na pag-iisip, ang tunay na lalaki ay dapat walang awa.’”Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito: “Anong kataas-taasang kapangyarihan ng diyos? Anong paghihintay sa mga pagsasaayos ng langit? Walang mga gayong bagay! Sinong opisyal o hari ang nakarating sa kinalalagyan niya nang hindi gumamit ng mabagsik at brutal na pamamaraan? Hindi ba’t nakakamit ang mga posisyong ito sa pamamagitan ng pakikipaglaban at pagpapatayan?” Sa pagtingin sa pananaw nilang ito, kinikilala ba ng mga anticristo ang katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? (Hindi.) Sa mundo ng mga walang pananampalataya, may ganitong perspektiba ang mga anticristo sa batas ng kaligtasan. Kaya, habang nasa iglesia sila, gagamitin ba nila ang parehong mga estratehiya kapag kumikilos sila? Susundin ba nila ang parehong mga alituntunin sa buhay? Hindi ito magbabago kahit kaunti. Kahit kapag pumupunta ang mga anticristo sa iglesia, hindi nila kailanman pinipigilan ang sarili nila o binabago ang kanilang sarili, tiyak na hindi nila ito ginagawa. Sinasabi nila, “Kung gusto mong mangibabaw sa iba, kailangan mong matutong magkaroon ng mga estratehiya. Kapag nasa paligid ang lahat, lalo na kapag naroroon ang mga taong may katayuan, kailangan mong gawin ang iyong makakaya para makagpakitang-gilas, at hayaang makita ito ng mga namumuno, ng mga lider, at ng mga nasa itaas. Pagkatapos ay magkakaroon ka ng pagkakataong maitaas ang ranggo mo at mailagay sa mahahalagang posisyon, at magkaroon ng pagkakataong mangibabaw sa iba. Dagdag pa rito, kailangan mong matutong mag-iba ng ugali kapag may mga tao sa paligid mo kumpara sa kapag walang tao sa paligid, kailangan mong matutong manlinlang. Gawin ang mabubuting bagay sa harap ng mga tao, at gawin nang lihim ang mga kakila-kilabot, masama, madilim na bagay, at mga bagay na hindi gusto ng mga tao. Huwag hayaang may makakilatis sa iyo. Kailangan mong ipakita sa mga tao ang pinakamagandang ugali mo, at kailangan mong magbalatkayo nang maigi. Gaano ka man talaga kasama, kailangan mo itong itago nang mabuti. Huwag mong hayaang mawala ang suporta ng mga tao. Kapag nawala ang suporta nila sa iyo, huli na—wala ka nang pagkakataon.” Ang mga anticristo ay namumuhay rin ayon sa mga gayong estratehiya at batas ng kaligtasan sa iglesia.

Paano tinitingnan ng mga anticristo ang mga patotoo ng lahat ng kapatid na naranasan at nakilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay? Sinasabi ng mga anticristo, “Ang mga tao ay may utak, kaisipan, at edukasyon, at sa pamamagitan ng pag-edit at pagbuo, nagawa nila ang mga patotoong ito na batay sa karanasan. Sa katunayan, ang mga patotoong batay sa karanasan na ito ay pawang likha lamang ng mga tao, peke ang lahat ng ito, at imposible ang lahat ng ito. Kaya ko ring gumawa ng mga patotoong batay sa karanasan, kung mag-iimbento ako. Kaya kong gumawa ng 10 o 20 artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Ayaw ko lang gawin iyon. Akala mo ba ay hindi Ko nakikilatis ang mga munti mong pakana? Hindi ba’t ginagawa mo lang ito para magpakitang-gilas? Tinatawag ninyo ito sa magandang pangalan ng pagpapatotoo sa diyos, pagpapatotoo sa pangalan ng Diyos, at pagpapatotoo sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at sinasabi mong nagpapatotoo ka sa Diyos, pero sa katunayan, ginagawa ninyo ito upang magpatotoo lamang para sa sarili ninyo at mangibabaw kayo sa iba.” Hindi nila kinikilala ang katumpakan ng lahat ng patotoo tungkol sa gawaing ginawa ng Diyos sa mga tao. Pagdating sa iba’t ibang kapaligiran at sitwasyon sa mundo sa labas, at sa mga kondisyon ng bawat bansa, hindi makilatis ng mga anticristo kung paano gumagawa ang Diyos, at pagdating sa pagpapanatili, pagbabago, o pagsasaayos ng Diyos sa mga kapaligiran sa mundo sa labas, hindi nila makilatis kung ano ang kahulugan ng paggawa Niya ng lahat ng ito. Naniniwala sila na ang “‘May kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa lahat ng bagay’ ay isa lamang walang kabuluhan, matayog pakinggan na pahayag. Sa realidad, kahit saang bansa ka pumunta, kailangan mong sumunod sa gobyerno ng bansang iyon, tama ba? Nasasailalim ka sa mga limitasyon ng gobyerno at mga batas ng bansang iyon, hindi ba? Hindi ba’t ibig sabihin nito na mali ang pahayag na may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa lahat ng bagay? Paano man niya isinasakatuparan ang kanyang kataas-taasang kapangyarihan, malalampasan ba nito ang gobyerno at mga batas ng anumang bansa?” Kaya, sa sandaling hindi pabor sa iglesia at sa gawain ng iglesia ang kapaligiran at sitwasyon sa mundo sa labas, lihim na natutuwa ang mga anticristo at pinagtatawanan ito, ibinubunyag ang kanilang malademonyong mukha. Kapag maayos ang gawain ng iglesia, at pinagpapala at pinangungunahan ito ng Diyos, at nasa tamang direksyon ang lahat ng bagay, kapag walang panghihimasok mula sa kapaligiran sa mundo sa labas, at pabuti nang pabuti ang kalagayan ng mga kapatid, hindi mapalagay at hindi makapagtimpi ang puso ng mga anticristo, labis silang naiinggit, at hindi sila komportable at punumpuno sila ng galit. Bakit punumpuno sila ng galit? Hindi sila naniniwala na pwedeng may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng ito. Ang iglesia ay sambahayan ng Diyos, ito ang lugar kung saan ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala, kung saan inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, kung saan hindi nahahadlangan ang kalooban ng Diyos, at kung saan pwedeng maisakatuparan at makumpirma ang mga salita ng Diyos sa mga tao. Kapag maayos ang iglesia, ipinapakita nito ang realidad ng awtoridad ng Diyos, gayundin ang pagkumpirma na umiiral at totoo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag umiiral at napatunayan ang katunayang ito, sampal ito sa mukha ng mga anticristo. Matapos masampal sa mukha, nakakaramdam ba ang mga anticristo ng kagalakan, kapayapaan, at kaginhawahan sa puso nila, o nakakaramdam ba sila ng pagtutol at galit? (Nakakaramdam sila ng pagtutol at galit.) Ano ang iniisip nila sa kanilang puso? Namumuhi sila sa Diyos at itinatanggi nila ang Diyos. Kung sa panlabas ay tila hindi gaanong maganda ang kalagayan ng iglesia at ng mga kapatid, na inuusig, inaapi, at ibinubukod ang mga taong ito, at wala silang anumang katayuan sa lipunan, labis na natutuwa ang mga anticristo at masaya ang kanilang puso, pero kapag pawang bumubuti at patuloy na umuunlad ang gawain ng Diyos at ang buhay iglesia, hindi natutuwa ang mga anticristo. Bakit hindi sila natutuwa? Dahil labis itong hindi naaayon sa mga kuru-kuro nila, isang bagay ito na hindi nila inaasahan. Natupad at natanto ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga salita ng Diyos, sinisira ang mga pananaw nila, kaya nalulungkot sila. Batay sa mga kaisipan at pananaw na ipinapakita ng mga anticristo, pati na rin ang kawalang kasiyahan ng kanilang damdamin, hindi ba’t nagkikimkim sila ng perspektiba na katulad ng sa malaking pulang dragon? Hindi ba’t kapareho ng sa malaking pulang dragon ang kalikasang diwa nila? Ganap na magkapareho ang mga ito.

Tungkol sa buong mundo, lahat ng bagay, at mga batas at tuntuning sinusunod ng lahat ng nilikha, iniisip ng mga anticristo: “Matagal nang nabuo ang kalikasan at mga panahon. Kung malamig sa mahabang panahon, iinit din; kung mainit sa mahabang panahon, lalamig din. Kapag panahon na para malaglag ang mga dahon, malalaglag ang mga ito kapag umihip ang hangin. Hindi ba’t napakanormal ng lahat ng ito? Paano ito naging kataas-taasang kapangyarihan ng diyos? Paano ito naging batas na itinakda ng diyos? Ano ang magagawa ng mga batas ng diyos? Nakapatay na ng napakaraming hayop ang mga tao nang walang gaanong kinahinatnan; patuloy pa rin ang pamumuhay ng sangkatauhan tulad nang dati, tama ba? Sinasabing may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa lahat ng bagay, pero bakit hindi ko nakikita kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa mga ito? Sinasabi nilang may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa lahat ng bagay, pero bakit laging umuunlad ang masasamang tao habang ang mabubuti ay hindi kailanman nagtatagumpay?” Sa huli, ang kongklusyon nila: “Walang tagapagligtas sa mundong ito; ang sangkatauhan ang nagmamanipula sa mundo. Ang mga dakilang tao at lider ng mga bansa sa mundo ang namumuno sa mundong ito, at sila ang nagpapabago sa kalakaran ng mundong ito. Kung wala ang mga dakila at mahusay na taong iyon, mapapahamak ang mundo. Tungkol naman sa pagiging may kataas-taasang kapangyarihan ng diyos sa lahat ng bagay, hindi ko ito nakikita. Paano naging may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa mga ito? Bakit hindi ko ito maramdaman? Bakit hindi ko ito maunawaan? Bakit naglalaman ng maraming bagay na taliwas sa mga kuru-kuro ng tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng diyos sa lahat ng bagay?” Hindi nila ito kayang kilalanin o tanggapin. Pagdating sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, sa paraan ng pagiging may kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, sa disposisyong ibinubunyag ng Diyos sa Kanyang pagiging may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, sa mga prinsipyo ng pagkilos ng Diyos, sa diwa ng Diyos, at iba pa, ang mga taong naghahangad ng katotohanan ay makakaunawa lang ng bahagi nito sa kanilang buhay. Pero sapat na ito para makapagpasakop sila sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha, makapagpasakop sa lahat ng salitang sinabi ng Lumikha, at kilalanin ang Lumikha bilang Diyos. Kahit na may ilang tao na makakaunawa ng isang bahagi nito, imposible para sa kanila na ganap na maunawaan ito, dahil marami sa mga gawa ng Diyos ang isinasagawa mula sa Kanyang katayuan at pagkakakilanlan, at palaging magkakaroon ng pagkakaiba sa pagitan ng mga gawang ito at sa kaisipan at kaalaman ng nilikhang tao. At ang kaunting pagkaunawa na pwedeng makuha ng mga tao mula sa mga bagay na kanilang nararanasan sa buong buhay nila ay pwede lang maarok ng mga tao na naghahangad sa katotohanan, ng mga may kabatiran at kakayahang maarok ang katotohanan. Para sa mga taona mahina ang kakayahan, na walang kabatiran at hindi talaga nagmamahal sa katotohanan, hindi nila kayang abutin kahit ang maliit na bahaging ito ng pagkaunawa. Madalas sabihin na mas mataas kaysa sa mga kaisipan ng tao ang mga kaisipan ng Diyos. Ibig sabihin nito na palaging hindi naaabot ng mga tao ang mga kaisipan ng Lumikha, at na biyaya ng Diyos ang pagkakaroon nila ng kahit maliit na pagkaunawa. Para sa mga naghahangad sa katotohanan, makakamtan lamang ito ng mga tumatanggap sa huling yugto ng gawain ng Diyos, pagkatapos marinig ang maraming salita ng Diyos, at maunawaan at maranasan ang maraming katotohanan—kailangan nito ng habambuhay na pagsisikap. Para sa mga anticristo na pangunahing itinatanggi ang pagkakakilanlan ng Diyos, sa usapin ng kanilang diwa, hindi nila minamahal ang katotohanan o ang mga positibong bagay, at lalong hindi nila minamahal ang anumang bagay na may kinalaman sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, kaya hindi nila kailanman maaabot ang punto ng pagkilala sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Nakabatay ang pagkilala sa katunayang ito sa pag-unawa at paghahangad sa katotohanan, ngunit ang mga anticristo ay itinatanggi ang katotohanan, tutol sa katotohanan, namumuhi sa Diyos, at higit pa rito, namumuhi sila sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Kaya, para sa kanila, mananatiling hindi umiiral ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ano ang ibig sabihin ng “hindi umiiral”? Ibig sabihin nito na hindi kailanman makikita o mauunawaan ng mga hangal na ito ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Samakatuwid, hindi nila ito maarok. Maraming bagay ang nakapaloob sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at saklaw nito ang maraming katotohanan, pati na ang karunungan ng Diyos at ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Paano pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng bagay sa gitna ng lahat ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? Sa usapin ng mga pamamaraan, tiyempo, at mga konsiderasyon ng Diyos para sa bagay na ito, paano ito pinaplano at ipinapatupad ng Kanyang isipan? Batay sa mga aspektong ito, hindi isang simpleng bagay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay; may mga komplikadong ugnayan na sangkot dito. Ang mga hangal tulad ng mga anticristo na walang espirituwal na pang-unawa at hindi tumatanggap sa katotohanan, ay hindi kailanman mauunawaan ang paraan ng pagiging may kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi nila ito mauunawaan kailanman, kaya pwede ba nilang kilalanin ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilan, “Hindi nila ito kinikilala dahil hindi nila ito nauunawaan. Kung mauunawaan nila ito, hindi ba’t kikilalanin nila ito?” Haka-haka lamang ito; ang mga haka-haka ay naaayon lang sa lohika, pero hindi nangangahulugang umaayon ito sa mga katunayan. Kaya, ano ang katotohanan ng mga katunayan? Hindi kailanman kikilalanin ng mga anticristo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Sa ngayon, huwag muna nating pag-usapan ang mga anticristo, at sa halip ay pag-usapan natin ang arkanghel, si Satanas, ang diyablo, ang malaking pulang dragon. Inuusig nito ang mga hinirang na tao ng Diyos, pinipinsala ang iglesia, at ginugulo ang gawain ng Diyos. Kapag dinadala ng Diyos ang mga kalamidad dito, nangangamba ito, takot na takot, at halos mabaliw na, at hindi nito alam kung ano ang gagawin, at sa huli, nagmamakaawa ito, “Hindi na ako lalaban muli sa langit.” Anong impormasyon ang pwedeng makuha mula sa pahayag na ito? Kinikilala ng malaking pulang dragon ang pag-iral ng Langit, at ng Diyos, pero hindi nagbabago ang kalikasan ng malaking pulang dragon; kahit na kinikilala nito ang pag-iral ng Diyos, kumokontra at sumasalungat pa rin ito sa Diyos. Kapag hindi nito kaya ang Diyos, nagmamakaawa ito, sinasabing hindi na ito lalaban sa Langit. Pero tunay ba itong nagpapasakop at humihingi ng awa? Hindi, kapag nakabawi ito, patuloy itong lalaban; ito ang kalikasan malaking pulang dragon, at hindi nagbabago ang kalikasan nito. Ganito rin ang kalikasan ng mga anticristo.

Paano tinitingnan ng mga anticristo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan sa loob ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Kasama rito ang isang napakaliit na bagay. Pagdating sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, ang konsepto ng “lahat ng bagay” ay malawak at masyadong malaki; hindi ito matanggap ng mga anticristo, bulag sila rito, at hindi nila ito makilatis. Kaya, nagpapasakop ba ang mga anticristo sa kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa sarili nilang mga kapalaran? Naaarok ba nila ito? Nauunawaan ba nila ito? Nagagawa ba nila itong kilalanin? Lalong hindi. Naniniwala ang mga anticristo na nakuha nila ang lahat ng magandang bagay sa kanilang totoong buhay sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap. Halimbawa, kung makapasok sila sa isang unibersidad, iniuugnay nila ito sa pagiging mahusay nila sa pag-aaral, naniniwala na isinilang sila para makapasok sa isang prestihiyosong unibersidad. Kung namumuhay sila nang maginhawa at kumita na ng pera, iniisip nila na nakatakda silang yumaman, dahil sinabi ng mga manghuhula na sasagana ang buhay nila, at suswertehin sila na maging opisyal at magkakapera nang marami. Kapag nagkakaproblema, o hindi ayon sa kanilang inaasahan ang mga bagay, at nagdurusa sila, nagsisimula silang magreklamo, “Bakit napakasama ng nangyayari sa akin? Bakit napakapangit ng kapalaran ko? Napakamalas ko!” Binibigyang interpretasyon at tinitingnan nila ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng tao. Kung maayos ang lahat, nagiging mapagmataas at mayabang sila, nagpapakitang-gilas sa bawat pagkakataon, nagpapakita ng matapang at mapanganib na tindig, at kumikilos nang mayabang at arogante; ngunit kapag hindi ayon sa kagustuhan nila ang mga bagay, sinisisi nila ang Diyos at ang ibang tao, at sinusubukan nilang humanap ng paraan para baguhin ang sitwasyon at makalayo rito. Sinasabi nila na mabuti ang lahat ng inoorden at ginagawa ng Diyos, ngunit sa pribado, pinipiga nila ang kanilang utak, sinusubukang gamitin ang lahat ng paraan para baguhin ang sitwasyon, at takasan o baguhin ang sitwasyon, sinasabi nila, “Hindi ako naniniwala na napakapangit ng kapalaran ko, na napakamalas ko. Hindi ako naniniwala na labis na walang katarungan sa mundo, na ang isang taong may kakayahang tulad ko ay hindi magtatagumpay balang araw, na hindi kailanman darating ang panahon na magningning ako. Sa katunayan, ang kapalaran ay isang walang kabuluhang konsepto, isang kasabihan lang ito; nakasalalay ang lahat ng ito sa sariling pagsisikap at pakikibaka. Tulad ng kasabihan, ‘Kailangan pagtiisan ang pinakamalaking hirap para maging pinakadakilang tao.’ Ito ang pinakamataas na kredo; hinding-hindi ko ito dapat kalimutan, dapat ko itong gamitin bilang motibasyon ko.” Sinasabi nila nang paulit-ulit na mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos, na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay at na nagpapasakop sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, pero sa huli, sinasabi nila, “Kailangan pagtiisan ang pinakamalaking hirap para maging pinakadakilang tao.” Sa panlabas, nagsasalita sila ng mga espirituwal na salita, pero sa lihim, ang mga prinsipyong kanilang ipinapatupad, isinasagawa, at sinusunod ay ang mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo, lohika, at pag-iisip. May pagpapasakop ba rito? (Wala.) Ganito tinitingnan, inuunawa, at tinatrato ng mga anticristo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Batay sa mga pagpapamalas at halimbawang ito, kinikilala at pinaniniwalaan ba ng mga anticristo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, o pinagdududahan at kinokondena ba nila ito? (Pinagdududahan at kinokondena nila ito.) Anuman ang sinasabi nila, batay sa kanilang mga aktuwal na pagpapamalas, pangunahing hinahamak ng mga anticristo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi sila naniniwala rito. Nagsasabi pa ng walang katuturang pahayag ang ilang anticristo: “Paano ka hindi magsusumikap para sa anumang bagay, at pasibo na lamang na maghihintay para sa kataas-taasang kapangyarihan ng diyos? Hindi ba’t kailangan mong magluto ng sarili mong pagkain? Pwede ka bang basta na lang maghintay nang nakabukas ang bibig sa mga pastel na babagsak mula sa langit? Paano man may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos, kailangan pa rin ng mga tao na magsikap at kumilos, tama ba?” Hindi lamang tumatanggi ang mga anticristo na kilalanin ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, tinatanggihan at binabaluktot din nila ito. Ano ang layon nila sa pagbabaluktot nito? Naghahanap sila ng batayan at dahilan para sa kanilang walang kapararakang pakikipaglaban para sa lahat ng pakinabang na ninanais nila. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, ano ang totoong perspektiba nila sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay? Ang hindi paniniwala, ang pagtanggi, at pagkondena—ito ang totoong perspektiba nila.

Sa dalawang puntong pinagbahaginan natin ngayon, pangunahing nating hinimay ang pagpapamalas ng mga anticristo na hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Pagkatapos makinig sa pagbabahaginang ito, nakapagkamit ba kayo ng anumang pag-unawa? Sinu-sino ang mga taong may ganitong mga isyu? Anong uri ng tao ang may disposisyon ng anticristo pero hindi ang diwa ng anticristo, at pwedeng magbago? Sino ang mga taong may parehong problema, pero taglay ang diwa ng anticristo, hindi kayang magbago, mga kaaway ng Diyos magpakailanman, at hindi ang mga pakay ng kaligtasan kundi ng pagkawasak? Ipinapakita rin ba ninyo ang mga pagpapamalas na ito? Sa tingin ba ninyo ay kaya ninyong magbago? Kaya ba ninyong tanggapin ang katotohanan at gamitin ito para baguhin at palitan ang mga kaisipang ito? (Oo.) Sinu-sino ang mga taong hindi kayang magbago? May isang uri ng tao, kapag nakakakita ng mga walang pananampalataya na namumuhay nang marangya, na nakatira sa malalaking bahay na ang mga interyor ay pinalamutian na parang palasyo, at may mangilan-ngilang mamahaling sasakyan, na natutukso at naghihinaing, “Ang saya maging mayaman, maging isang opisyal, maging may kakayahan! Bakit napakagaling niya? Bakit napakapalad niya? Paano niya kinita ang kanyang pera?” Sa tuwing makikita niya na mayroong katayuan sa lipunan ang isang tao, lalo niya itong binobola, pinupuri, at sinusubukan niyang magpalakas dito, handa siyang gawin ang anumang bagay para dito, na maging alipin sa anumang antas. Partikular siyang mahilig sa masasamang kalakaran sa lipunan at madalas na nagnanais na maging bahagi ng mga ito, nababagabag siya kapag napipigilan siya ng pananampalataya niya sa Diyos na gawin ito. Higit pa rito, pakiramdam niya ay napag-iwanan na siya ng mundo; nadarama niya ang pagkalumbay, kawalan ng magagawa, na walang sumusuporta sa kanya, na wala siyang masumpungang kaginhawaan, at madalas siyang nakakaramdam ng pagkadurog ng puso. Ang isa pang uri ng tao ay labis na humahanga kapag nakakakita siya ng mga may pera at kapangyarihan na nagtatamasa ng tagumpay habang nag-aasikaso ng mga gawain ng mga ito sa lipunan at madalas niyang pinupuri ang mga ito, sinasabi niya, “Pumatay sila ng tao, pero dahil may pera at mga koneksyon sila, ilang araw lang sila sa kulungan at nakalabas agad. Iyan ang tunay na kakayahan!” Labis nilang iginagalang at hinahangaan ang mga gayong tao sa lipunan. Ang isa pang uri ng tao ay nagbibigay ng espesyal na atensyon at malalim na nagmamalasakit sa mga sensitibong paksa sa politika sa lipunan, at gustung-gusto niyang makialam at sumawsaw sa ilang usaping may kinalaman sa politika. Ang mga ganitong tao at iba pang katulad na mga uri, sa kaibuturan, ay may saloobin sa Diyos na katulad ng sa mga anticristo: Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi nila kinikilala ang pagkakakilanlan ng Diyos, o ang katunayang na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kabilang ang mga taong ito sa parehong pangkat ng mga anticristo. Hindi sila kabilang sa iglesia o sa sambahayan ng Diyos at sa huli ay paaalisin sila. Hindi nila makasundo ang mga nananalig sa Diyos at salungat ang landas na kanilang tinatahak sa mga hinihingi ng Diyos. Pawang mapanganib ang mga taong ito; kahit hindi pa sila gumagawa ng anumang kasamaan, at hindi pa nila lantarang tinatanggihan, hinuhusgahan, o kinokondena ang Diyos, o lantarang inililigaw ang mga tao at nagnanais ng posisyon sa iglesia, taglay nila ang diwa ng mga anticristo dahil sa pundamental ay hindi nila kinikilala ang pagkakakilanlan ng Diyos, at higit pa, hindi nila kinikilala ang katunayang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Bahagi sila ng mga buktot na pwersa at bahagi ng pangkat ni Satanas. Iginagalang nila ang kabuktutan, at ang anumang maling paniniwala o panlilinlang na itinataguyod ng mga diyablo at ni Satanas, gayundin ang anumang masamang kalakaran na lumilitaw, na popular, o lumalaganap sa mundo. Hindi sila kabilang sa sambahayan ng Diyos o sa iglesia at hindi sila ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos. Tunay na mga kaaway ng Diyos ang mga taong ito, mga anticristo sila.

Nobyembre 14, 2020

Sinundan: Ikalabing-apat na Aytem: Tinatrato Nila ang Sambahayan ng Diyos na Parang Sarili Nilang Personal na Teritoryo

Sumunod: Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Ikalawang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito