Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon
Mula pa sa simula ng gawain Niya sa buong sansinukob, ang Diyos ay nagtalaga na ng maraming tao upang paglingkuran Siya, kabilang na ang mga taong may iba’t ibang kalagayan sa buhay. Ang layunin Niya ay tuparin ang Kanyang kalooban at tapusin nang maayos ang Kanyang gawain sa lupa; ito ang layunin ng Diyos sa pagpili ng mga taong maglilingkod sa Kanya. Dapat maunawaan ng bawat taong naglilingkod sa Diyos ang kalooban Niya. Sa pamamagitan ng gawain Niyang ito, mas nakikita ng mga tao ang karunungan at ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos, at ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain sa lupa. Ang Diyos ay tunay na pumarito sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain, upang makipag-ugnayan sa mga tao, upang mas malinaw nilang malaman ang Kanyang mga gawa. Ngayon, kayo, na grupong ito ng mga tao, ay mapalad na maglingkod sa praktikal na Diyos. Ito ay di-masusukat na pagpapala para sa inyo—tunay ngang iniangat kayo ng Diyos. Sa pagpili ng isang tao na maglilingkod sa Kanya, ang Diyos ay laging may sariling mga prinsipyo. Ang paglilingkod sa Diyos ay hinding-hindi gaya ng iniisip ng tao, na tungkol lamang sa pagkakaroon ng sigasig. Ngayon nakikita ninyo na ang lahat ng naglilingkod sa harap ng Diyos ay ginagawa ito dahil taglay nila ang patnubay ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu, at dahil sila ay mga taong naghahangad na matamo ang katotohanan. Ang mga ito ang pinakamababang kondisyon para sa lahat ng nagsisilbi sa Diyos.
Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong pagkatao, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas matigas ang ulo mo dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon. Dahil dito, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong pagkatao, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa pamumuhay sa mundo. Ang mga taong tulad nito ay maitutulad sa mga Pariseo at mga pinuno ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na Cristo at mga anticristo sila na manlilinlang sa mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na Cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang pagkatao at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang mapalayas anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng mga karanasan nila sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at makontrol sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga benepisyo ng posisyon—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kuwalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, magiging hadlang ang mga ito sa buong buhay mo. Hindi ka pupurihin ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa paggawa, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang masamang tao.
Simula ngayon, pormal na gagawing perpekto ng Diyos ang mga walang kuru-kuro tungkol sa relihiyon, ang mga handang isantabi ang mga lumang bersyon ng sarili nila, at ang mga sumusunod sa Diyos sa isang matapat na pamamaraan. Gagawin Niyang perpekto ang mga nananabik sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay dapat manindigan at maglingkod sa Diyos. Sa Diyos, mayroong walang-katapusang kasaganaan at walang-hangganang karunungan. Ang Kanyang kahanga-hangang gawain at mahahalagang salita ay naghihintay na matamasa ng mas marami pang tao. Sa ngayon, ang mga taong may mga kuru-kuro tungkol sa relihiyon, ang mga nag-aakalang nakatataas sila, at ang mga hindi maisantabi ang kanilang mga sarili ay nahihirapang tanggapin ang mga bagong bagay na ito. Walang pagkakataon ang Banal na Espiritu na gawing perpekto ang mga taong ito. Kung ang isang tao ay hindi pa nagpapasyang sumunod, at hindi nauuhaw sa mga salita ng Diyos, wala siyang paraan para tanggapin ang mga bagong bagay na ito; siya ay patuloy lamang na magiging mas mapanghimagsik, patuloy na magiging mas tuso, at dahil dito ay hahantong siya sa maling daan. Sa paggawa Niya ng Kanyang gawain ngayon, mas maraming iaangat ang Diyos na mga tao na tunay na nagmamahal sa Kanya at kayang tumanggap ng bagong liwanag, at lubos Niyang pababagsakin ang mga pinuno ng relihiyon na nagpapalagay na nakatataas sila; hindi Niya nais ang ni isa sa mga matitigas ang ulo na lumalaban sa pagbabago. Nais mo bang maging isa sa mga taong ito? Naglilingkod ka ba ayon sa sarili mong mga kagustuhan, o sa hinihiling ng Diyos? Isa itong bagay na dapat ay ikaw mismo ang makaalam. Isa ka bang pinuno ng relihiyon, o isa ka bang bagong-silang na sanggol na ginawang perpekto ng Diyos? Gaano karami sa paglilingkod mo ang pinupuri ng Banal na Espiritu? Gaano karami rito ang hindi man lamang pagkakaabalahang tandaan ng Diyos? Gaano kalaking pagbabago ang naganap sa buhay mo bilang resulta ng lahat ng taon mo ng paglilingkod? Malinaw ba sa iyo ang lahat ng ito? Kung tunay kang nananampalataya, iwawaksi mo ang mga dati mong kuru-kuro tungkol sa relihiyon na mula pa sa nakalipas, at paglilingkuran mo nang mas mabuti ang Diyos sa isang bagong paraan. Hindi pa huli ang lahat para manindigan ngayon. Kayang mapawalan ng saysay ng mga dating kuru-kuro tungkol sa relihiyon ang buhay ng isang tao. Ang karanasang natatamo ng isang tao ay maaaring maglayo sa kanya sa Diyos at magpagawa sa kanya ng mga bagay-gabay ayon sa sarili niyang pamamaraan. Kung hindi mo isasantabi ang mga bagay na ito, magiging sagabal ang mga ito sa paglago mo sa buhay. Palaging ginagawang perpekto ng Diyos ang mga naglilingkod sa Kanya, at hindi Niya sila pinalalayas nang basta-basta na lamang. Kung tunay mong tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, kung maisasantabi mo ang mga dati mong gawi at alituntuning pangrelihiyon, at makahihinto ka sa paggamit sa mga dati mong kuru-kuro tungkol sa relihiyon bilang panukat ng mga salita ng Diyos sa kasalukuyan, saka ka lamang magkakaroon ng kinabukasan. Ngunit kung kumakapit ka sa mga lumang bagay, kung pinahahalagahan mo pa rin ang mga ito, walang paraan para mailigtas ka. Hindi pinapansin ng Diyos ang ganitong mga tao. Kung talagang nais mong magawang perpekto, dapat kang magpasya na ganap na talikuran ang lahat ng bagay mula sa nakaraan. Kahit pa tama ang nagawa noon, kahit pa ito ay gawain ng Diyos, dapat mo pa ring magawang isantabi ito at ihinto ang pagkapit dito. Kahit pa malinaw na gawain ito ng Banal na Espiritu, tuwirang ginawa ng Banal na Espiritu, ngayon ay dapat mo itong isantabi. Hindi mo ito dapat panghawakan. Ito ang hinihingi ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay dapat mapanibago. Sa gawain ng Diyos at mga salita ng Diyos, hindi Niya tinutukoy ang mga lumang bagay na naganap noon, hindi Niya hinuhukay ang lumang almanak; ang Diyos ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma, at hindi Siya kumakapit kahit sa sarili Niyang mga salita mula sa nakaraan—na nagpapakita na ang Diyos ay hindi sumusunod sa anumang mga alituntunin. Kaya kung ikaw, bilang isang tao, ay palaging kumakapit sa mga bagay mula sa nakaraan, kung tumatanggi kang pakawalan ang mga ito, at mahigpit mong ginagamit ang mga ito na para bang pormula, samantalang ang Diyos ay hindi na gumagawa gamit ang mga paraang ginamit Niya noon, hindi ba’t nakagagambala ang mga salita at kilos mo? Hindi ka ba naging kaaway ng Diyos? Hahayaan mo bang masira ang buong buhay mo dahil sa mga lumang bagay na ito? Ang mga lumang bagay na ito ay gagawin kang isang taong gumagambala sa gawain ng Diyos—ito ba ang uri ng tao na nais mong maging? Kung talagang hindi mo iyon ninanais, itigil mo agad ang iyong ginagawa at mag-iba ka ng landas; magsimula kang muli. Hindi tatandaan ng Diyos ang paglilingkod mo noon.