1006 Ang Apat na Kondisyon para Magawang Perpekto ng Diyos ang Tao
1 May apat na pangunahing kondisyon para matanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at magtamo ng pagpeperpekto: pagganap sa iyong tungkulin sa katanggap-tanggap na pamantayan, pagkakaroon ng ugaling masunurin, pagiging sadyang matapat, at pagkakaroon ng pusong nagsisisi. Kapag ang apat na kondisyong ito ay natupad, sinisimulan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga tao. Bago isakatuparan ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga tao, sila ay susukatin ng Diyos—at paano Niya sila susukatin? May ilang pamantayan ang Diyos. Una, tinitingnan Niya kung ano ang saloobin ng mga tao sa tagubilin na ibinigay Niya sa kanila, kung kaya ba nila na maging tapat, at maibibigay ba nila ang kanilang buong puso at lakas. Sa kabuuan, tinitingnan Niya kung kaya mo bang gampanan ang iyong tungkulin sa katanggap-tanggap na pamantayan.
2 Pangalawa, dapat ay may ugali kang masunurin sa Diyos. Bago ka lubusang makasunod, dapat ay may ugali ka ng pagiging masunurin. Sa paggawa mo ng mga tagubilin na ibinibigay sa iyo ng Diyos, dapat na—bukod sa paggawa nito nang may konsiyensya at makatwiran—magawa mo ring hanapin ang katotohanan, unawain ang kalooban ng Diyos, at dapat ay may kakayahan kang magkaroon ng ugaling masunurin anuman ang uri ng kapaligirang kinalalagyan mo, anuman ang mga nagaganap sa buhay mo. Ibig sabihin, tinatanggap mo na tama ang mga salita ng Diyos, tinatanggap mo ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, tinatanggap mo ang mga salita ng Diyos bilang alituntunin ng iyong mga pagsasagawa, at kahit hindi mo gaanong nauunawaan ang alituntunin, nasusunod mo ito na parang nangungunyapit ka sa doktrina. Ito ay isang uri ng pag-uugali.
3 Sa sandaling taglayin mo ang ugali ng pagiging masunurin, susunod kaagad ang mas marami pang pagbabago sa iyong mga salita, asal, at kilos. At ano ang magiging mga pagbabagong ito? Ituturing ka ng Diyos na sadyang matapat. Mababawasan ang sadyang mga kasinungalingan sa mga salita at kilos mo; 80% ng sinasabi mo ay magiging totoo. Kung minsan, dahil sa masasamang gawi, o sa kapaligirang kinalalagyan mo, o iba pang mga dahilan, hindi-sinasadyang magsasabi ka ng kasinungalingan. Sasama ang loob mo, at kalaunan ay magsisisi ka at ikukumpisal sa Diyos ang iyong pagkakamali. Pagkatapos, magbabago ka, at magsisimulang magsabi ng pakaunti nang pakaunting kasinungalingan; dahan-dahang bubuti ang iyong kalagayan, at sa paningin Diyos, naging tapat ka na sa kabuuan.
4 Hinihiling ng Diyos na magkaroon ang mga tao ng pusong handang magsisi. Sa bawat yugto—ito man ay kapag dinidisiplina o pinarurusahan ka ng Diyos, o kapag pinaaalalahanan at pinapayuhan ka Niya—kung, kapag may di pagkakaunawaan sa pagitan mo at ng Diyos, patuloy kang nangungunyapit sa iyong sariling mga ideya at pananaw, at walang pagwawasto sa iyong mga maling pagkaunawa, paninisi, at pagsuway sa Diyos—kung hindi ka magbabago—aalisin ka ng Diyos. Kapag nagbago ka, at isinantabi mo ang iyong mga ideya at intensyon, kapag gayon ang puso mo, isa rin itong ugali ng pagpapasakop; pagkilala ito at pagpapahayag ng katotohanang ang Panginoon ng sangnilikha ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Patunay ito na kinikilala mo ang pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha. Itinuturing ito ng Diyos na lubhang mahalaga.
5 Kapag hindi ka namumuhay ayon sa sarili mong damdamin, kapag hindi ka namumuhay ayon sa mga pilosopiya mo sa buhay, kundi sa mga salitang sinambit ng Diyos, sa mga alituntuning ibinigay sa iyo ng Diyos, sa tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos, at sa paraan ng pagsasagawa mo, ang landas na dapat mong tahakin, na sinabi sa iyo ng Diyos, anuman ang pakikitungo sa iyo ng Diyos, ginagawa ang dapat mong gawin, kikilalanin ka ng Diyos. Sa sandaling magampanan mo ang mga bagay na ito—sa sandaling makilala mo ang identidad ng Lumikha, ang pagiging responsable mo sa iyong sariling tungkulin, at ang ugali na magawa mong baguhin ang iyong sarili sa pag-unawa mo sa katotohanan—isasakatuparan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa iyo, at dito magsisimula ang iyong kaligtasan.
Hango sa Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos (3)