Pagkilala sa Diyos IV
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 120
Pag-unawa sa Awtoridad ng Diyos Mula sa Pangmalawakan at Pangmaliitang mga Pananaw
Natatangi ang awtoridad ng Diyos. Ito ang partikular na pagpapahayag at espesyal na diwa ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, na hindi tinataglay ng alinmang nilalang o di-nilalang; tanging ang Lumikha lamang ang nagtataglay ng ganitong uri ng awtoridad. Ibig sabihin, tanging ang Lumikha lamang—ang Diyos na Natatangi—ang naipapahayag sa ganitong paraan at may ganitong diwa. Kaya’t bakit dapat nating pag-usapan ang awtoridad ng Diyos? Paano naiiba ang awtoridad ng Diyos Mismo sa “awtoridad” na binuo ng tao sa kanyang isip? Ano ang natatangi tungkol dito? Bakit lubhang napakahalaga na pag-usapan ito rito? Dapat maingat na isaalang-alang ng bawat isa sa inyo ang usaping ito. Para sa maraming tao, isang malabong ideya ang “awtoridad ng Diyos,” isang bagay na nangangailangan ng napakaraming pagsisikap upang maunawaan, at ang anumang talakayan tungkol dito ay malamang na maging napakahirap unawain. Samakatuwid, walang pagsalang magkakaroon ng agwat sa pagitan ng kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos na kayang taglayin ng tao at sa diwa ng awtoridad ng Diyos. Upang mapunan ang agwat na ito, dapat unti-unting makilala ng bawat isa ang awtoridad ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, bagay, at iba’t ibang di-karaniwang pangyayari na maaabot ng tao at nasasaklawan ng kanilang kakayahang maunawaan sa kanilang tunay na buhay. Bagama’t ang pariralang “awtoridad ng Diyos” ay tila hindi maarok, hindi naman talaga mahirap unawain ang awtoridad ng Diyos. Kasa-kasama Siya ng tao sa bawat minuto ng buhay nito at ginagabayan ito sa araw-araw. Kaya, sa tunay na buhay, tiyak na makikita at mararanasan ng bawat tao ang pinakakonkretong aspeto ng awtoridad ng Diyos. Ang konkretong aspetong ito ay sapat nang katibayan na tunay na umiiral ang awtoridad ng Diyos, at ganap nitong pinahihintulutan ang tao na makilala at maunawaan ang katunayan na ang Diyos ay nag-aangkin ng ganitong awtoridad.
Nilikha ng Diyos ang lahat, at dahil nilikha Niya ang mga ito, may kapamahalaan Siya sa lahat ng bagay. Bukod sa pagkakaroon ng kapamahalaan sa lahat ng bagay, Siya ang may kontrol sa lahat ng bagay. Ano ang ibig sabihin nito, ang ideya na “ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay”? Paano ito maipaliliwanag? Paano ito magagamit sa tunay na buhay? Paano mauuwi sa pagkaunawa sa Kanyang awtoridad ang pagkaunawa sa katunayan na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay? Mula sa mismong pariralang “ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay,” dapat nating makita na ang kinokontrol ng Diyos ay hindi lamang isang bahagi ng mga planeta, o isang bahagi ng sangnilikha, lalong hindi ang isang bahagi ng sangkatauhan, kundi lahat ng bagay: mula sa pagkalaki-laki hanggang sa pagkaliit-liit, mula sa nakikita hanggang sa di-nakikita, mula sa mga bituin sa kosmos hanggang sa mga nabubuhay na bagay sa mundo, gayundin ang mga mikroorganismo na hindi nakikita ng mata lamang o mga nilalang na umiiral sa iba pang mga anyo. Ito ang tumpak na kahulugan ng “lahat ng bagay” na ang Diyos “ang may kontrol”; ito ang abot ng Kanyang awtoridad, ang saklaw ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pamumuno.
Bago nilikha ang sangkatauhang ito, umiiral na ang kosmos—ang lahat ng planeta at ang lahat ng bituin sa kalangitan. Sa malawakang antas, palagiang umiikot ang mga pangkalangitang bagay na ito, sa ilalim ng kontrol ng Diyos, sa kabuuan ng pag-iral ng mga ito, gaano man karami ang mga nagdaang taon. Kung anong planeta ang pupunta sa kung saan sa kung anong tiyak na oras; kung anong planeta ang gagawa ng kung anong gawain, at kailan; kung anong planeta ang iikot sa kung anong orbit, at kung kailan ito maglalaho o mapapalitan—lahat ng bagay na ito ay nagpapatuloy nang walang bahagya mang pagkakamali. Ang mga posisyon ng mga planeta at ang mga agwat sa pagitan ng mga ito ay sumusunod sa mahigpit na mga disenyo, na mailalarawang lahat ng tumpak na mga datos; ang mga landas na tinatahak ng mga ito, ang bilis at mga disenyo ng mga orbit ng mga ito, ang mga panahon na ang mga ito ay nasa iba’t ibang posisyon—ang lahat ng ito ay makakayang bilangin nang tumpak at ilarawan ng mga natatanging batas. Sa loob ng napakahabang panahon, sumunod ang mga planetang ito sa mga batas na ito, nang walang bahagya mang paglihis. Walang kapangyarihan ang may kakayahang baguhin o gambalain ang mga landas o ang mga disenyong sinusundan ng mga ito. Sapagkat naitadhana na ng awtoridad ng Lumikha ang natatanging mga batas na namamahala sa galaw ng mga ito at ang tumpak na mga datos na naglalarawan sa mga ito, kusang sinusunod ng mga ito ang mga batas na ito, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Lumikha. Sa malawakang antas, hindi mahirap para sa tao ang matuklasan ang ilang disenyo, ilang datos, at ilang naiiba at di-maipaliwanag na mga batas o di-karaniwang kaganapan. Bagama’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan na mayroong Diyos, o ang katunayan na ang Lumikha ang gumawa at may kapamahalaan sa lahat ng bagay, at bukod pa rito ay hindi kinikilala ang pag-iral ng awtoridad ng Lumikha, patuloy na higit pang natutuklasan ng mga siyentipiko, astronomo, at pisiko na ang pag-iral ng lahat ng bagay sa sansinukob, at ang mga prinsipyo at mga disenyo na nagtatakda ng mga pagkilos ng mga ito, ay pinamamahalaan at kinokontrol na lahat ng isang malawak at di-nakikitang madilim na enerhiya. Ang katunayang ito ang pumipilit sa tao na harapin at kilalanin na may Isang Makapangyarihan sa gitna ng mga disenyong ito ng pagkilos, na nagsasaayos sa lahat ng bagay. Hindi pangkaraniwan ang Kanyang kapangyarihan, at bagama’t walang sinuman ang nakakakita sa Kanyang tunay na mukha, Siya ang namamahala at kumukontrol sa lahat ng bagay sa bawat saglit. Walang tao o lakas ang may kakayahang lumampas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Dahil nahaharap sa ganitong katunayan, dapat kilalanin ng tao na ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay ay hindi makakayang kontrolin ng mga tao, hindi makakayang baguhin ninuman; dapat din niyang tanggapin na hindi makakayang ganap na unawain ng mga nilikhang tao ang mga batas na ito; at ang mga ito ay hindi likas na nangyayari, bagkus ay ipinag-uutos ng isang Kataas-taasang Kapangyarihan. Ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos na maaaring makita ng sangkatauhan sa malawakang antas.
Sa pangmaliitang antas, lahat ng bundok, ilog, lawa, dagat, at kalupaan na maaaring makita ng tao sa lupa, lahat ng nararanasan niyang panahon, lahat ng bagay na naninirahan sa mundo, kabilang na ang mga halaman, hayop, mikroorganismo, at mga tao, ay napaiilalim sa kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos, lahat ng bagay ay nalilikha o naglalaho ayon sa Kanyang mga saloobin; lumilitaw ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng mga ito, at lumalago at dumarami ang mga ito sa pagtalima sa mga batas na ito. Walang tao o bagay na hindi saklaw ng mga batas na ito. Bakit ganito? Ang tanging sagot ay ito: Ito ay dahil sa awtoridad ng Diyos. O, sa ibang salita, ito ay dahil sa mga saloobin ng Diyos at mga salita ng Diyos; dahil sa mga personal na pagkilos ng Diyos Mismo. Nangangahulugan ito na ang awtoridad ng Diyos at isip ng Diyos ang pinagmumulan ng mga batas na ito na nag-iiba at nagbabago ayon sa Kanyang mga saloobin, at ang mga pag-iiba at mga pagbabagong ito ay nagaganap o lumilipas lahat alang-alang sa Kanyang plano. Gamiting halimbawa ang mga epidemya. Kumakalat ang mga ito nang walang babala. Walang sinumang nakaaalam sa mga pinagmulan ng mga ito o sa tiyak na dahilan kung bakit nangyayari ang mga ito, at tuwing umaabot ang isang epidemya sa isang partikular na lugar, ang mga tiyak na mapapahamak ay hindi makatatakas sa sakuna. Nauunawaan ng agham ng tao na ang epidemya ay idinudulot ng paglaganap ng mga mabagsik at nakapipinsalang mikrobyo, at ang bilis, saklaw at paraan ng pagkalat ng mga ito ay hindi nahuhulaan o nakokontrol ng agham ng tao. Bagama’t nilalabanan ng mga tao ang mga epidemya sa pamamagitan ng lahat ng posibleng paraan, hindi nila mapipigil kung aling mga tao o hayop ang di-maiiwasang maapektuhan kapag lumaganap ang mga epidemya. Ang tanging magagawa ng mga tao ay ang subukang hadlangan, labanan, at saliksikin ang mga ito. Subalit walang nakaaalam sa mga ugat na sanhi na magpapaliwanag sa simula o katapusan ng anumang epidemya, at walang sinumang makapipigil sa mga ito. Sa harap ng paglitaw at paglaganap ng isang epidemya, ang unang hakbang na isinasagawa ng mga tao ay ang gumawa ng isang bakuna, ngunit kadalasang kusang nawawala ang epidemya bago pa maging handa ang bakuna. Bakit nawawala ang mga epidemya? Sinasabi ng ilan na nakontrol na ang mga mikrobyo, samantalang sinasabi ng iba na namatay ang mga ito dahil sa pagbabago ng panahon…. Kung mapaninindigan man ang mga ligaw na haka-hakang ito, ang agham ay hindi makapaghain ng paliwanag at hindi makapagbigay ng tiyak na sagot. Hindi dapat na maniwala lang ang sangkatauhan sa mga ispekulasyong ito, gayundin sa kawalan ng pagkaunawa at takot sa mga epidemya ng sangkatauhan. Sa huling pagsusuri, walang sinumang nakaaalam kung bakit nagsisimula ang mga epidemya o kung bakit natatapos ang mga ito. Sapagkat nananalig lamang ang sangkatauhan sa agham, ganap na umaasa rito, at hindi kinikilala ang awtoridad ng Lumikha o tinatanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, kailanman ay wala silang matatamong sagot.
Sa ilalim ng dakilang kapangyarihan ng Diyos, ang lahat ng bagay ay isinisilang, nabubuhay, at namamatay dahil sa Kanyang awtoridad at sa Kanyang pamamahala. May ilang bagay na dumarating at umaalis nang tahimik, at hindi masasabi ng tao kung saan nanggaling ang mga ito o maunawaan ang mga disenyong sinusunod ng mga ito, lalong hindi maunawaan ang mga dahilan kung bakit dumarating at umaalis ang mga ito. Bagaman maaaring makita ng tao ng sarili niyang mata, ang lahat ng nangyayari sa lahat ng bagay, at maaaring marinig ito ng kanyang mga tenga, at maaaring maranasan ito ng kanyang katawan; bagaman may epekto ang lahat ng ito sa tao, at bagama’t halos hindi namamalayang inuunawa ng tao ang pagiging hindi pangkaraniwan, pagiging regular, o maging ang pagiging kataka-taka ng iba’t ibang pangyayari, wala pa rin siyang alam tungkol sa kalooban at isipan ng Lumikha na nasa likod ng mga ito. Maraming kuwento sa likod ng mga pangyayaring ito, maraming natatagong katotohanan. Dahil ang tao ay nalihis nang malayo mula sa Lumikha at dahil sa hindi niya tinatanggap ang katunayan na ang awtoridad ng Lumikha ang namamahala sa lahat ng bagay, kailanman ay hindi niya malalaman at mauunawaan ang lahat ng nangyayari sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha. Sa kalakhang bahagi, ang pagkontrol at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay lumalampas sa mga hangganan ng imahinasyon ng tao, ng kaalaman ng tao, ng pagkaunawa ng tao, ng kayang makamit ng siyensiya ng tao; lumalampas ito sa kakayahan ng nilikhang sangkatauhan. May ilang tao ang nagsasabi, “Yamang hindi mo mismo nasaksihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, paano mo mapaniniwalaan na ang lahat ay nasa ilalim ng Kanyang awtoridad?” Ang pagkakita ay hindi palaging paniniwala; at hindi rin ito palaging pagkilala at pagkaunawa. Kaya saan nagmumula ang paniniwala? Masasabi Ko nang may katiyakan na ang paniniwala ay nagmumula sa antas at lalim ng pangamba ng tao, ng karanasan ng tao, sa realidad at ugat na mga dahilan ng mga bagay. Kung ikaw ay naniniwala na mayroong Diyos, ngunit hindi mo makilala, at mas lalong di-makita, ang katunayan ng pagkontrol ng Diyos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, samakatuwid hindi mo kailanman kikilalanin sa puso mo na ang Diyos ay may ganitong uri ng awtoridad at ang awtoridad ng Diyos ay natatangi. Kailanman ay hindi mo tunay na matatanggap ang Lumikha bilang iyong Panginoon at iyong Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 121
Ang Kapalaran ng Sangkatauhan at ang Kapalaran ng Sansinukob ay Hindi Maihihiwalay Mula sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha
Kayong lahat ay nasa hustong gulang na. Ang ilan sa inyo ay nasa katanghaliang gulang; ang ilan ay nasa dapit-hapon na ng buhay. Naranasan niyo nang hindi maniwala sa Diyos hanggang sa maniwala kayo sa Kanya, at mula sa pagsisimulang maniwala sa Diyos tungo sa pagtanggap sa salita ng Diyos at pagdanas sa gawain ng Diyos. Gaano karaming kaalaman na ang nakamtan ninyo tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Anong mga kabatiran ang natamo ninyo tungkol sa kapalaran ng tao? Maaari bang makamit ng isang tao ang lahat ng kanyang mga inaasam sa buhay? Ilang bagay sa loob ng ilang dekada ng inyong buhay ang naisakatuparan na ninyo ayon sa inyong ninais? Ilang bagay ang nangyari nang hindi ninyo inaasahan? Ilang bagay ang dumarating bilang kaaya-ayang mga sorpresa? Ilang bagay ang hinihintay pa rin ng mga tao sa pag-asa na magbubunga ang mga ito—walang malay na hinihintay ang tamang sandali, inaantabayanan ang kalooban ng Langit? Ilang bagay ang dahilan para makaramdam ang mga tao na sila ay walang magawa at bigo? Ang bawat isa ay puno ng pag-asa tungkol sa kanilang tadhana, umaasa na ang lahat sa kanilang buhay ay aayon sa kanilang ninanais, na hindi sila mangangailangan ng pagkain o damit, na magkakaroon ng malaking pagbabago sa kanilang kapalaran. Walang sinuman ang nagnanais ng isang buhay ng karukhaan at pang-aapi, puno ng paghihirap, at dinadagsa ng mga kalamidad. Subalit hindi maaaring mahulaan o makontrol ng mga tao ang lahat ng ito. Marahil para sa iba, ang nakaraan ay isa lamang pagkakahalu-halo ng mga karanasan; hindi nila kailanman natutuhan kung ano ang kalooban ng Langit, ni wala silang pakialam kung ano ito. Namumuhay sila nang hindi nag-iisip, tulad ng mga hayop, nabubuhay sa araw-araw, walang pakialam tungkol sa kapalaran ng sangkatauhan o kung bakit buhay ang mga tao o kung paano sila dapat mamuhay. Ang mga taong ito ay tumatanda na walang natamong pagkaunawa tungkol sa tadhana ng tao, at hanggang sa sandali ng kanilang kamatayan ay wala silang ideya kung tungkol saan ang buhay. Ang mga taong tulad nito ay patay; sila ay mga nilalang na walang espiritu; sila ay mga hayop. Bagama’t ang mga tao ay nabubuhay sa loob ng sangnilikha at kumukuha ng kasiyahan mula sa maraming paraang nabibigyang-kasiyahan ng mundo ang kanilang materyal na mga pangangailangan, at kahit na nakikita nilang patuloy na sumusulong ang materyal na mundong ito, gayunman ang kanilang sariling karanasan—kung ano ang nadarama at nararanasan ng kanilang mga puso at ng kanilang mga espiritu—ay walang kinalaman sa mga materyal na bagay, at walang anumang materyal ang maipapalit sa karanasan. Ang karanasan ay isang pagkilala sa kaibuturan ng puso ng tao, isang bagay na hindi maaaring makita ng mata lamang. Ang pagkilalang ito ay batay sa pag-unawa at pananaw ng tao sa buhay at kapalaran ng tao. At madalas nitong dinadala ang tao sa pangamba na isinasaayos ng di-nakikitang Panginoon ang lahat ng bagay at pinangangasiwaan ang lahat ng bagay para sa tao. Sa gitna ng lahat ng ito, walang magagawa ang tao kundi ang tanggapin ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng kapalaran; walang magagawa ang tao kundi ang tanggapin ang landas na inilatag ng Lumikha, ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng isang tao. Ito ay isang hindi maikakailang katunayan. Anuman ang kabatiran at saloobin ng isang tao tungkol sa kapalaran, walang makapagbabago sa katunayang ito.
Kung saan ka pupunta araw-araw, ano ang gagawin mo, sino o ano ang iyong makakatagpo, ano ang sasabihin mo, ano ang mangyayari sa iyo—maaari bang mahulaan ang alinman sa mga ito? Hindi maaaring mahulaan ng mga tao ang lahat ng pangyayaring ito, at lalong hindi nila makokontrol kung paano magaganap ang mga ito. Sa buhay, ang mga di-mahuhulaang pangyayaring ito ay nagaganap sa lahat ng oras; ang mga ito ay nangyayari araw-araw. Ang mga pang-araw-araw na pagbabago na ito at ang mga paraan kung paano nangyayari ang mga ito o ang mga disenyong sinusundan ng mga ito, ay palagiang pagpapaalala sa sangkatauhan na walang nangyayari nang sapalaran, na ang proseso ng bawat pangyayari, ang pagiging di-maiiwasan ng bawat pangyayari, ay hindi mababago ayon sa kagustuhan ng tao. Bawat pangyayari ay naghahatid ng isang paalala ng Lumikha sa sangkatauhan, at nagdadala rin ito ng mensahe na hindi maaaring makontrol ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran. Ang bawat pangyayari ay isang pagsalungat sa padalus-dalos at walang-saysay na ambisyon at pagnanasa ng sangkatauhan na ilagay sa sarili nilang mga kamay ang kanilang kapalaran. Ang mga ito ay parang malalakas at sunud-sunod na sampal sa mukha ng sangkatauhan na pumipilit sa mga tao na isaalang-alang kung sino ang namamahala at kumokontrol sa kanilang kapalaran sa bandang huli. At habang ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais ay paulit-ulit na nahahadlangan at nadudurog, likas na humahantong ang mga tao sa walang-malay na pagtanggap sa kung ano ang inilaan ng kapalaran—isang pagtanggap sa realidad, sa kalooban ng Langit at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Mula sa mga pang-araw-araw na pagbabagong ito hanggang sa mga kapalaran ng buong buhay ng mga tao, walang bagay na hindi nagbubunyag sa mga plano ng Lumikha at ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; walang anumang hindi nagpapaabot ng mensahe na “ang awtoridad ng Lumikha ay hindi malalampasan,” na hindi nagpapahayag ng walang hanggang katotohanan na “ang awtoridad ng Lumikha ang pinakamataas.”
Ang mga kapalaran ng sangkatauhan at ng sansinukob ay malapit na nakaugnay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, di-maihihiwalay sa mga pangangasiwa ng Lumikha; sa katapusan, ang mga ito ay hindi maaaring maihiwalay mula sa awtoridad ng Lumikha. Sa mga batas ng lahat ng bagay, nagsisimulang maunawaan ng tao ang mga pangangasiwa ng Lumikha at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; sa mga patakaran ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay ay nararamdaman niya ang pamamahala ng Lumikha; sa mga kapalaran ng lahat ng bagay siya nakakakuha ng mga konklusyon tungkol sa mga paraan ng Lumikha ng paggamit ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at kontrol sa mga ito; at sa mga siklo ng buhay ng mga tao at ng lahat ng bagay, tunay na nararanasan ng tao ang pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha sa lahat ng bagay at mga nabubuhay na nilalang, upang masaksihan kung paano nangingibabaw ang mga pangangasiwa at pagsasaayos na iyon sa lahat ng batas, patakaran, at institusyon sa lupa, at lahat ng iba pang kapangyarihan at puwersa. Dahil dito, napipilitan ang sangkatauhan na tanggapin na hindi maaaring labagin ng sinumang nilalang ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na walang puwersa ang maaaring umagaw o bumago sa mga pangyayari at mga bagay na itinadhana ng Lumikha. Sa ilalim ng mga banal na batas at mga patakarang ito nabubuhay at nagpaparami ang mga tao at ang lahat ng bagay sa bawat salinlahi. Hindi ba ito ang tunay na sumasagisag sa awtoridad ng Lumikha? Bagaman nakikita ng tao, sa mga walang-kinikilingang batas, ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at Kanyang pagtatadhana ng lahat ng pangyayari at lahat ng bagay, ilang tao ang nakauunawa sa prinsipyo ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa sansinukob? Ilang tao ang tunay na makakaalam, makakikilala, makatatanggap at magpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha sa kanilang sariling kapalaran? Matapos maniwala sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa lahat ng bagay, sino ang tunay na maniniwala at kikilala na idinidikta rin ng Lumikha ang kapalaran ng buhay ng tao? Sino ang tunay na makauunawa sa katunayan na ang kapalaran ng tao ay nakasalalay sa palad ng Lumikha? Anong uri ng saloobin ang dapat taglayin ng sangkatauhan hinggil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, kapag naharap ito sa katunayan na pinamamahalaan at kinokontrol Niya ang kapalaran ng sangkatauhan? Iyan ay isang kapasyahan na dapat gawin ng bawat tao, na ngayon ay nahaharap sa katunayang ito, para sa kanyang sarili.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 122
Ang Anim na Sugpungan sa Buhay ng Tao (Mga piling sipi)
Sa buhay ng tao, ang bawat isa ay nakararanas ng isang serye ng mahahalagang sugpungan. Ang mga ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalagang mga hakbang na tumutukoy sa kapalaran sa buhay ng isang tao. Ang mga sumusunod ay isang maikling paglalarawan ng mga sugpungang ito na dapat pagdaanan ng bawat tao sa kanyang buhay.
Ang Unang Sugpungan: Kapanganakan
Kung saan ipinanganak ang isang tao, sa anong pamilya siya ipinanganak, ang kanyang kasarian, hitsura, at oras ng kapanganakan—ang mga ito ay mga detalye ng unang sugpungan sa buhay ng isang tao.
Hindi makapipili ang sinuman hinggil sa ilang detalye ng sugpungang ito; ang lahat ng ito ay matagal nang itinadhana ng Lumikha. Hindi naiimpluwensiyahan ang mga ito ng panlabas na kapaligiran sa anumang paraan, at walang mga bagay na ginawa ng tao ang maaaring makapagpabago sa mga katunayang ito, na itinakda ng Lumikha. Ang pagkapanganak sa isang tao ay nangangahulugang natupad na ng Lumikha ang unang hakbang ng kapalaran na Kanyang isinaayos para sa taong iyon. Dahil matagal na Niyang itinakda ang lahat ng detalyeng ito, walang sinuman ang may kapangyarihan na baguhin ang alinman sa mga ito. Maging ano pa man ang kalalabasan ng kapalaran ng isang tao, itinatadhana ang mga kondisyon ng kapanganakan ng isang tao, at nananatiling ganoon ang mga ito; ang mga ito ay hindi naiimpluwensiyahan sa anumang paraan ng kapalaran sa buhay ng isang tao, at hindi rin naaapektuhan ng mga ito sa anumang paraan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran sa buhay ng isang tao.
1) Isang Bagong Buhay ang Isinisilang Mula sa mga Plano ng Lumikha
Alin sa mga detalye ng unang sugpungan—ang lugar na sinilangan, pamilya, kasarian, pisikal na anyo, ang oras ng kapanganakan ng isang tao—ang maaaring piliin ng isang tao? Maliwanag na ang kapanganakan ng isang tao ay kusang nangyayari. Ang isang tao ay ipinapanganak nang hindi niya sinasadya, sa isang partikular na lugar, at sa isang partikular na oras, sa isang partikular na pamilya, na may partikular na pisikal na anyo; hindi sinasadya ng isang tao na maging miyembro ng isang partikular na sambahayan, na isang sanga ng isang partikular na lipi. Ang isang tao ay walang pagpipilian sa unang sugpungang ito ng buhay, kundi sa halip ay isinisilang sa isang itinalagang kapaligirang ayon sa mga plano ng Lumikha, sa isang partikular na pamilya, na may partikular na kasarian at hitsura, at sa partikular na oras na malapit na nakaugnay sa takbo ng buhay ng isang tao. Ano ang magagawa ng isang tao sa mahalagang sugpungang ito? Sa kabuuan, walang pagpipilian ang isang tao tungkol sa isa man sa mga detalyeng ito hinggil sa kanyang kapanganakan. Kung hindi dahil sa pagtatadhana ng Lumikha at sa Kanyang paggabay, hindi malalaman ng isang buhay na bagong silang sa mundong ito kung saan pupunta, o kung saan siya maninirahan, hindi siya magkakaroon ng mga ugnayan, hindi mapapabilang saanman, at walang magiging tunay na tahanan. Subalit dahil sa maingat na pagsasaayos ng Lumikha, ang bagong buhay na ito ay may lugar na matitirhan, mga magulang, isang lugar na kabibilangan, at mga kamag-anak, kaya ang buhay na iyon ay nagsisimula sa kanyang paglalakbay. Sa buong prosesong ito, natukoy na sa mga plano ng Lumikha ang pagdating ng bagong buhay na ito, at lahat ng aariin nito ay ibibigay sa kanya ng Lumikha. Mula sa isang lumulutang na katawan na walang anumang pag-aari, unti-unti itong nagiging laman at dugo, nakikita at nahahawakang nilalang na tao, isa sa mga nilikha ng Diyos, na nag-iisip, humihinga, at nakadarama ng init at lamig; na maaaring makibahagi sa lahat ng karaniwang gawain ng isang nilikha sa materyal na mundo; at daraan sa lahat ng bagay na dapat maranasan sa buhay ng isang nilikhang tao. Ang nauna nang pagtatakda ng Lumikha sa kapanganakan ng isang tao ay nangangahulugan na Kanyang igagawad sa taong iyon ang lahat ng bagay na kinakailangan para patuloy na mabuhay; at gayundin, ang pagkakapanganak sa isang tao ay nangangahulugan na matatanggap niya mula sa Lumikha ang lahat ng bagay na kailangan para patuloy na mabuhay, at mula sa puntong iyon ay mabubuhay siya sa ibang kaanyuan, na ibinigay ng Lumikha at mapapasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha.
2) Bakit Isinisilang ang Iba’t ibang Tao sa Iba’t ibang Kalagayan
Kadalasan, gustong isipin ng mga tao na kung sila ay muling ipapanganak, ito ay sa isang tanyag na pamilya; na kung sila ay mga babae, magiging kamukha nila si Snow White at mamahalin sila ng lahat, at kung sila ay mga lalaki, sila ay magiging si Prince Charming, na walang anumang kinakailangan, na nakapagpapasunod sa buong mundo. Kadalasan ay may mga nasa ilalim ng maraming ilusyon tungkol sa kanilang kapanganakan at kadalasan ay hindi nasisiyahan dito, naghihinanakit sa kanilang pamilya, sa kanilang hitsura, sa kanilang kasarian, pati na rin sa oras ng kanilang kapanganakan. Subalit hindi kailanman nauunawaan ng mga tao kung bakit sila ipinanganak sa isang partikular na pamilya o kung bakit ganoon ang hitsura nila. Hindi nila alam na kahit saan sila ipinanganak o kung ano ang hitsura nila, gaganap sila ng iba’t ibang papel at tutupad ng iba’t ibang misyon sa pamamahala ng Lumikha, at ang layon na ito ay hindi kailanman magbabago. Sa mga mata ng Lumikha, ang lugar na sinilangan, ang kasarian, at ang pisikal na anyo ng isang tao ay pansamantalang lahat. Ang mga ito ay isang serye ng maliliit na tuldok, maliliit na simbolo sa bawat yugto ng Kanyang pamamahala sa buong sangkatauhan. At ang tunay na hantungan at kahihinatnan ng isang tao ay hindi napagpapasyahan ng kanyang kapanganakan sa anumang partikular na yugto, kundi ng misyon na kanyang tinutupad sa kanyang buhay, at ayon sa paghatol sa kanya ng Lumikha kapag kumpleto na ang Kanyang plano ng pamamahala.
Sinasabi na may sanhi ang bawat bunga, at na walang bunga kung walang sanhi. Kung kaya’t talagang nakatali ang kapanganakan ng isang tao kapwa sa kasalukuyang buhay at sa nakaraang buhay niya. Kung winawakasan ng kamatayan ng isang tao ang kanyang kasalukuyang termino ng buhay, kung gayon ang kapanganakan ng isang tao ay ang simula ng isang bagong yugto; kung kinakatawan ng lumang siklo ang dating buhay ng isang tao, kung gayon natural lang na ang bagong siklo ang kanyang kasalukuyang buhay. Dahil nakaugnay ang kapanganakan ng isang tao sa kanyang buhay sa nakaraan at maging sa kasalukuyan, nangangahulugan ito na ang lugar, pamilya, kasarian, hitsura, at ang iba pang mga bagay na nauugnay sa kapanganakan ng isang tao ay marapat na may kaugnayang lahat sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Nangangahulugan ito na ang mga bagay na may kinalaman sa kapanganakan ng isang tao ay hindi lamang naiimpluwensiyahan ng dating buhay ng isang tao, kundi pinagpapasyahan ng kapalaran ng isang tao sa kasalukuyang buhay, na dahilan ng iba’t ibang uri ng sari-saring kalagayan kung saan naipapanganak ang mga tao: Ang ilan ay ipinapanganak sa mahihirap na pamilya, ang iba ay sa mayayamang pamilya. Ang ilan ay sa pangkaraniwang angkan, samantalang ang iba ay sa tanyag na lahi. Ang ilan ay ipinapanganak sa timog, ang iba sa hilaga. Ang ilan ay ipinapanganak sa disyerto, ang iba sa mga luntiang lupain. Ang kapanganakan ng ilang tao ay may kasamang mga pagbubunyi, tawanan, at mga pagdiriwang; ang iba ay nagdadala ng mga luha, kalamidad at kapighatian. Ang ilan ay ipinapanganak upang pakaingat-ingatan, ang iba ay upang itapon na tulad ng mga panirang-damo. Ang ilan ay ipinapanganak nang may magagandang katangian, ang iba ay may mga depekto. Ang ilan ay magandang tingnan, ang iba ay pangit. Ang ilan ay ipinapanganak sa hatinggabi, ang iba ay sa ilalim ng tirik na araw sa tanghaling-tapat. … Ang mga kapanganakan ng iba’t ibang uri ng tao ay tinutukoy ng kanilang mga kapalaran na inihanda ng Lumikha para sa kanila; ang kanilang mga kapanganakan ang nagpapasya ng kanilang mga kapalaran sa kasalukuyang buhay nila gayundin sa mga papel na kanilang gagampanan at sa mga misyon na kanilang tutuparin. Ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, itinadhana Niya; walang sinuman ang makakatakas sa kanyang itinadhanang kapalaran, walang makakapagbago sa kanyang kapanganakan, at walang sinuman ang makakapili ng kanyang sariling kapalaran.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 123
Ang Anim na Sugpungan sa Buhay ng Tao (Mga piling sipi)
Ang Ikalawang Sugpungan: Paglaki
Depende sa uri ng pamilya kung saan sila ipinanganak, lumalaki ang mga tao sa iba’t ibang pantahanang kapaligiran at natututo ng iba’t ibang aral mula sa kanilang mga magulang. Ang mga salik na ito ang nagpapasya sa mga kalagayan kung saan nagkakaedad ang isang tao, at ang paglaki ay kumakatawan sa ikalawang mahalagang sugpungan ng buhay ng isang tao. Siyempre, hindi rin makapipili ang mga tao sa sugpungang ito. Naitakda na rin ito at nauna nang naisaayos.
1) Nagplano ang Lumikha ng mga Nakatakdang Kalagayang Kinalalakhan ng Bawat Tao
Hindi napipili ng isang tao ang mga tao, mga pangyayari, o mga bagay na nagpapalakas at umiimpluwensiya sa kanila habang lumalaki sila. Hindi mapipili ng isang tao kung anong kaalaman o kakayahan ang maaari niyang matamo at kung anong mga pag-uugali ang mahuhubog sa kanya. Hindi mapipili ng isang tao kung sino ang magiging mga magulang o mga kaanak niya, kung anong uri ng kapaligiran ang kalalakhan niya; ang mga ugnayan sa ibang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa kanyang kapaligiran, at kung paano nakakaimpluwensya ang mga ito sa kanyang pag-unlad, ay lampas na lahat sa kaya niyang kontrolin. Kung gayon, sino ang nagpapasya ng mga bagay na ito? Sino ang nagsasaayos ng mga ito? Yamang walang pagpipilian ang mga tao sa bagay na ito, yamang hindi nila maaaring pagpasyahan ang mga bagay na ito para sa kanilang mga sarili, at yamang malinaw na hindi natural na nabubuo ang mga ito, maliwanag na ang paghubog sa lahat ng mga tao, pangyayari, at bagay na ito ay nasa mga kamay ng Lumikha. Siyempre, tulad ng pagsasaayos ng Lumikha sa mga partikular na kalagayan ng kapanganakan ng bawat tao, Kanya ring isinasaayos ang partikular na mga kalagayan na kinalalakhan ng isang tao. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay nagdadala ng mga pagbabago sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid niya, kung gayon ang paglago at pag-unlad ng naturang tao ay makakaapekto rin sa mga ito. Halimbawa, may ilang tao na ipinapanganak sa mahihirap na pamilya, subalit lumalaki na napapaligiran ng kayamanan; ang iba ay ipinapanganak sa mayayamang pamilya subalit nagiging sanhi ng pagbagsak ng mga kayamanan ng kanilang pamilya, kung kaya lumalaki sila sa mahihirap na kapaligiran. Walang kapanganakan ang napapamahalaan ng isang pirming tuntunin, at walang taong lumalaki sa ilalim ng isang di-maiiwasan at pirming hanay ng mga pangyayari. Ang mga ito ay hindi mga bagay na maaaring isipin o kontrolin ng isang tao; ang mga ito ay mga bunga ng kapalaran ng isang tao, at itinatakda ng kapalaran niya. Siyempre, sa ugat ng mga ito, ang lahat ng ito ay nakabatay sa kapalarang itinakda ng Lumikha sa bawat tao; ang mga ito ay tinutukoy ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng taong ito at sa Kanyang mga plano para rito.
2) Nagdudulot ang Iba’t ibang Kalagayan na Kinalalakhan ng mga Tao ng Iba’t ibang Papel na Ginagampanan
Ang mga kalagayan ng kapanganakan ng isang tao ang nagtatatag sa pangunahing antas ng kapaligiran at mga kalagayan na kinalalakhan niya, at ang mga kalagayang kinalalakhan niya ay bunga rin ng mga kalagayan ng kanyang kapanganakan. Sa panahong ito nagsisimulang matutuhan ng isang tao ang wika, at nagsisimulang makatagpo at matuto ang isip niya ng maraming bagong bagay, sa proseso kung saan siya ay patuloy na lumalago. Ang mga bagay na naririnig ng isang tao sa pamamagitan ng mga tainga niya, nakikita ng mga mata niya, at natututuhan ng kanyang isip ang unti-unting nagpapayaman at nagpapagalaw sa kanyang panloob na mundo. Ang mga tao, pangyayari, at bagay na nagkakaroon siya ng koneksyon; ang sentido kumon, kaalaman, at mga kasanayan na natututuhan niya, at ang mga paraan ng pag-iisip na nakakaimpluwensiya sa kanya, na naituro o naikintal sa kanya, ay gagabay at makakaimpluwensyang lahat sa kapalaran sa buhay ng isang tao. Ang wikang natutuhan ng isang tao habang lumalaki siya at ang paraan ng pag-iisip niya ay hindi maaaring ihiwalay mula sa kapaligiran kung saan ginugugol ng isang tao ang kanyang kabataan, at ang kapaligirang iyon ay binubuo ng mga magulang, kapatid, at iba pang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa paligid niya. Kung kaya, ang takbo ng pag-unlad ng isang tao ay itinatalaga ng kapaligiran na kinalalakhan niya, at nakasalalay rin sa mga tao, pangyayari, at bagay na nagkakaroon siya ng koneksyon sa kapanahunang ito. Yamang ang mga kondisyon kung saan lumalaki ang isang tao ay matagal nang naitalaga, ang kapaligiran kung saan siya nabubuhay sa panahon ng prosesong ito ay natural na naitalaga na rin. Hindi ito tinutukoy ng mga pinipili at mga kagustuhan ng isang tao, kundi naipapasya ayon sa mga plano ng Lumikha, tinutukoy ng maingat na pagsasaayos at ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran sa buhay ng isang tao. Kaya, ang mga taong nakakatagpo ng sinumang tao sa proseso ng kanyang paglaki, at ang mga bagay na nararanasan niya, ay likas na konektadong lahat sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Hindi maaaring mahulaan ng mga tao ang mga ganitong uri ng masalimuot na mga ugnayan, o makontrol o maarok ang mga ito. Maraming iba’t ibang bagay at maraming iba’t ibang tao ang may impluwensya sa kapaligiran na kinalalakhan ng isang tao, at walang sinumang tao ang may kakayahang magsaayos o mangasiwa ng ganoong kalawak na sistema ng mga koneksyon. Walang tao o bagay maliban sa Lumikha ang makakakontrol sa hitsura ng lahat ng tao, sa mga pangyayari at bagay, at hindi rin nila kayang panatilihin ang mga ito o kontrolin ang pagkawala ng mga ito, at ito ay isa lamang malawak na sistema ng mga koneksyon na humuhubog sa pag-unlad ng isang tao ayon sa itinadhana ng Lumikha at nagtatatag ng iba’t ibang kapaligiran na kinalalakhan ng mga tao. Ito ang lumilikha ng iba’t ibang gagampanang papel na kailangan para sa gawain ng pamamahala ng Lumikha, na naglalatag ng matatatag at matitibay na saligan para matagumpay na matupad ang kanilang mga misyon.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 124
Ang Anim na Sugpungan sa Buhay ng Tao (Mga piling sipi)
Ang Ikatlong Sugpungan: Pagsasarili
Matapos dumaan ang isang tao sa pagiging bata at kabataan at unti-unti at di-maiiwasang marating ang kahustuhan ng pag-iisip, ang susunod na hakbang ay ang ganap na pamamaalam niya sa kanyang kabataan, pamamaalam niya sa kanyang mga magulang, at pagharap sa kinabukasan bilang isang nagsasariling may sapat na gulang. Sa puntong ito, kailangan niyang harapin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na kailangang harapin ng isang taong may sapat na gulang, harapin ang lahat ng bahagi ng kanyang kapalaran na hindi magtatagal ay haharap sa kanya. Ito ang ikatlong sugpungan na kailangang mapagdaanan ng isang tao.
1) Matapos Makapagsarili, Nagsisimulang Maranasan ng Isang Tao ang Dakilang Kapangyarihan ng Lumikha
Kung ang kapanganakan at paglaki ay ang “panahon ng paghahanda” para sa paglalakbay sa buhay ng isang tao na naglalatag ng mahalagang sandigan ng kapalaran ng isang tao, kung gayon ang pagsasarili ng isang tao ay ang pambungad na monologo sa kanyang kapalaran sa buhay. Kung ang kapanganakan at paglaki ng isang tao ay kayamanan na kanyang naimpok para sa kanyang kapalaran sa buhay, kung gayon ang pagsasarili ng isang tao ay kapag sinisimulan na niyang gastusin o dagdagan ang yamang iyon. Kapag ang isang tao ay nililisan ang kanyang mga magulang at nagsasarili, ang panlipunang mga kondisyon na kakaharapin niya, at ang uri ng trabaho o karera na makukuha niya ay kapwa iniaatas ng kapalaran at walang kinalaman sa kanyang mga magulang. May ilang tao na pumipili ng isang magandang kurso sa kolehiyo at pagkatapos ay nakakatagpo ng isang kasiya-siyang trabaho pagkaraang makapagtapos at gumagawa ng matagumpay na unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay. May ilang tao na natututo at nagiging dalubhasa sa maraming iba’t ibang kasanayan ngunit kailanman ay hindi makahanap ng trabaho na angkop sa kanila o hindi kailanman makahanap ng posisyon, lalo na ng isang karera; sa simula ng kanilang paglalakbay sa buhay, natatagpuan nila ang kanilang mga sarili na nahahadlangan sa bawat liko, dinadagsa ng mga ligalig, madilim ang hinaharap at walang katiyakan ang kanilang mga buhay. Ang ilang tao ay masigasig sa kanilang pag-aaral, ngunit halos napapalampas ang lahat ng kanilang mga pagkakataon na makatanggap ng mas mataas na pinag-aralan; tila itinadhanang kailanman ay hindi magtamo ng tagumpay at ang kanilang kauna-unahang hangarin sa paglalakbay sa kanilang buhay ay nililipad ng hangin. Hindi alam kung ang daraanan ay patag o mabato, nararamdaman nila sa kauna-unahang pagkakataon kung gaano kapuno ng mga pagbabago ang tadhana ng tao, kung kaya’t itinuturing ang buhay nang may pag-asa at pangamba. May ilang tao, kahit hindi gaanong nakapag-aral, ay nakapagsusulat ng mga aklat at nakapagtatamo ng kaunting katanyagan; ang ilan, bagaman halos ganap na walang pinag-aralan, ay kumikita ng pera mula sa negosyo at dahil doon ay nasusuportahan ang kanilang mga sarili…. Anumang trabaho ang pinipili ng isang tao, paano man siya naghahanap-buhay: may anumang kontrol ba ang mga tao kung gumagawa man sila ng tamang pagpili o maling pagpili sa mga bagay na ito? Sumasang-ayon ba ang mga bagay na ito sa kanilang mga pagnanais at kapasyahan? Karamihan sa mga tao ay nagnanais ng mga sumusunod: na mabawasan ang kanilang pagtatrabaho at kumita nang mas malaki, na hindi magtrabaho sa ilalim ng araw at ng ulan, manamit nang maganda, magningning at kuminang sa lahat ng dako, pangibabawan ang iba, at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Umaasam ang mga tao na maging perpekto, subalit kapag ginawa na nila ang mga unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay, unti-unti nilang naiintindihan kung gaano kaimperpekto ang tadhana ng tao, at sa kauna-unahang pagkakataon ay tunay nilang nauunawaan ang katotohanan na, bagaman maaaring makagawa ang isang tao ng mapangahas na mga plano para sa sariling kinabukasan at bagaman ang isang tao ay maaaring magtanim sa isip ng mapangahas na mga pantasya, walang sinuman ang may kakayahan o may kapangyarihan na isakatuparan ang kanyang sariling mga pangarap, at walang sinuman ang nasa posisyon na kontrolin ang kanyang sariling kinabukasan. Palaging magkakaroon ng ilang agwat sa pagitan ng mga pangarap ng isang tao at sa mga realidad na dapat niyang harapin; ang mga bagay ay hindi kailanman ayon sa ninanais ng isang tao, at sa harap ng ganoong mga realidad ay hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kasiyahan o katiwasayan. May ilang tao na gagawin ang anumang maaaring gawin, magpupunyagi nang husto at gagawa ng malalaking sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga hanapbuhay at hinaharap, sa pagtatangka na baguhin ang kanilang sariling kapalaran. Subalit sa katapusan, kahit na matupad nila ang kanilang mga pangarap at ninanais sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, hindi nila kailanman mababago ang kanilang mga kapalaran, at gaano man kasidhi nilang subukin, hindi nila kailanman malalampasan ang naitakda na sa kanila ng tadhana. Kahit ano pa ang mga pagkakaiba sa kakayahan, talino, at determinasyon, ang mga tao ay pantay-pantay lahat sa harap ng tadhana, na hindi tumitingin sa pagkakaiba ng malaki o maliit, ng mataas o mababa, ng pinaparangalan o hinahamak. Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napagpapasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, at sa halip ay itinadhana ng Lumikha.
2) Pag-iwan sa Sariling mga Magulang at Seryosong Pag-uumpisa na Gampanan ang Sariling Papel sa Teatro ng Buhay
Kapag umabot ang isang tao sa hustong edad, naiiwanan na niya ang kanyang mga magulang at nakakapagsarili na, at dito sa puntong ito tunay na nakakapag-umpisang gampanan ng isang tao ang sariling papel, na ang sarili niyang misyon sa buhay ay hindi na malabo at unti-unting nagiging maliwanag. Sa pangalan ay nananatili pa ring may malapit na ugnayan ang isang tao sa sariling mga magulang, subalit dahil ang sariling misyon at ang papel na ginagampanan niya ay walang kinalaman sa sarili niyang ina at ama, nangangahulugan ito na ang malapit na bigkis ay dahan-dahang napapatid habang unti-unting nagsasarili ang isang tao. Mula sa perspektibo ng biyolohiya, hindi pa rin maiiwasan ng mga tao ang umasa sa kanilang mga magulang nang hindi namamalayan, subalit sa patas na pananalita, kapag sila ay malaki na, mayroon na silang mga buhay na ganap na nakahiwalay mula sa kanilang mga magulang, at gagampanan nila ang mga papel na kanilang natanggap nang nagsasarili. Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang tungkulin ng mga magulang sa buhay ng isang bata ay ang bigyan lang sila ng isang pormal na kapaligiran na kalalakihan nila, sapagkat walang makaiimpluwensya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay nauna nang naitadhana, at hindi mababago kahit na ng sariling mga magulang ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, ang bawat isa ay nagsasarili, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kung kaya walang magulang ang makakapagpaiwas sa kapalaran sa buhay ng isang tao o makakaimpluwensya sa papel na gagampanan ng isang tao sa buhay. Maaaring sabihin na ang pamilya kung saan naitadhanang maisilang ang isang tao, at ang kapaligiran na kinalalakihan niya, ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang sarili niyang misyon sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan ay matutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na akuin ang sarili niyang papel sa buhay. Kung paano isinasagawa ng isang tao ang sariling misyon at sa anong uri ng kinalalakhang kapaligiran niya ginagampanan ang sarili niyang papel ay ganap na itinatadhana ng sariling kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, walang iba pang patas na mga kondisyon ang makakaimpluwensya sa misyon ng isang tao, na itinadhana ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay nagkakahustong pag-iisip ayon sa kanilang sariling kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na plinano para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad bilang mga nilalang para sa kapakanan ng pagtatadhana ng Lumikha, para sa kapakanan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 125
Ang Anim na Sugpungan sa Buhay ng Tao (Mga piling sipi)
Ang Ikaapat na Sugpungan: Pag-aasawa
Habang tumatanda ang isang tao at nahuhusto ang pag-iisip, lalo siyang lumalayo mula sa sariling mga magulang at sa kapaligiran kung saan siya ipinanganak at pinalaki, at sa halip siya ay nagsisimulang humanap ng direksyon para sa sarili niyang buhay at kamtin ang mga layunin niya sa buhay sa paraan na iba sa sariling mga magulang. Sa panahong ito, hindi na kailangan ng isang tao ang sariling mga magulang, ngunit sa halip ay isang kapareha na makakasama niya sa buhay, iyon ay, isang asawa, isang tao kung kanino nakabigkis ang kanyang sariling kapalaran. Kaya ang unang malaking kaganapan sa buhay pagkatapos ng pagsasarili ay ang pag-aasawa, ang ikaapat na sugpungan na dapat pagdaanan ng isang tao.
1) Walang Indibiduwal na Pagpiling Nakaiimpluwensya sa Pag-aasawa
Ang pag-aasawa ay isang napakahalagang pangyayari sa buhay ninuman; ito ay panahon na nagsisimulang tunay na akuin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng mga responsabilidad, unti-unting nagsisimula na kumpletuhin ang iba’t ibang uri ng misyon. Maraming ilusyon ang mga tao tungkol sa pag-aasawa bago nila ito maranasan, at lahat ng ilusyong ito ay talagang magaganda. Inaakala ng mga kababaihan na ang kanilang kabiyak ay magiging si Prince Charming, at inaakala ng mga kalalakihan na sila ay magpapakasal kay Snow White. Ipinapakita ng mga pantasyang ito na ang bawat tao ay may partikular na mga kinakailangan para sa pag-aasawa, mga sarili nilang hinihingi at pamantayan. Bagaman sa masamang kapanahunang ito, palagiang binobomba ang mga tao ng baluktot na mga mensahe tungkol sa pag-aasawa, na lumilikha ng mas marami pang karagdagang kinakailangan at nagbibigay sa mga tao ng lahat ng uri ng pasanin at kakaibang mga saloobin, alam ng sinumang nakaranas na ng pag-aasawa na anuman ang pagkakaunawa ng isang tao rito, anuman ang saloobin niya tungkol dito, ang pag-aasawa ay hindi isang bagay na pinipili ng isang indibidwal.
Maraming tao ang nakakatagpo ng isang tao sa kanyang buhay, subalit walang sinuman ang nakakaalam kung sino ang mapapangasawa niya. Bagaman ang lahat ay may kani-kanilang sariling mga palagay at personal na pananaw tungkol sa paksa ng pag-aasawa, walang sinuman ang maaaring makahula kung sino sa bandang huli ang magiging kanyang tunay na kabiyak, at ang mga ideya ng isang tao ay hindi masyadong mahalaga. Matapos makatagpo ang isang taong gusto mo, maaari mong ipursige ang taong iyon; subalit interesado man o hindi ang taong iyon sa iyo, kung maaari mo ba siyang maging kapareha o hindi—hindi ikaw ang magpapasya. Hindi nangangahulugan na ang iyong sinisinta ang taong makakabahagi mo sa iyong buhay; samantala, may isa na kailanman ay hindi mo inasahan na maaaring dumating nang tahimik sa iyong buhay at maging iyong kapareha, ang pinakamahalagang elemento sa iyong kapalaran, ang iyong kabiyak, kung kanino nakabigkis nang mahigpit ang iyong kapalaran. Kung kaya, bagaman milyun-milyon ang nag-aasawa sa mundo, bawat isa ay iba: Napakaraming mag-aasawa ang hindi nasisiyahan, napakarami ang maligaya; napakarami ang saklaw ang Silangan at Kanluran, napakaraming Hilaga at Timog; napakarami ang perpektong mga tambalan, napakarami ang pantay ang katayuan sa lipunan; napakarami ang maligaya at nagkakasundo, napakarami ang nasasaktan at nagdadalamhati; napakarami ang kinaiinggitan ng iba, napakarami ang hindi naiintindihang mabuti at hindi sinasang-ayunan; napakarami ang puno ng kaligayahan, napakarami ang lumuluha at sanhi ng kawalang-pag-asa…. Sa hindi mabilang na uri ng pag-aasawa, ibinubunyag ng mga tao ang katapatan at panghabambuhay na pangako sa pag-aasawa; inihahayag nila ang pagmamahal, pagkagiliw, at pagkadi-mapaghihiwalay, o pagbitiw at kawalan ng pag-unawa. Ang ilan ay pinagtataksilan ang kanilang kasal, o nakararamdam maging ng pagkamuhi rito. Nagdadala man ang mismong pag-aasawa ng kaligayahan o pasakit, ang misyon ng bawat isa sa pag-aasawa ay itinadhana ng Lumikha at hindi magbabago; ang misyong ito ay dapat tuparin ng bawat isa. Ang indibidwal na kapalaran ng bawat tao na nasa likod ng bawat pag-aasawa ay hindi nagbabago at matagal nang itinadhana ng Lumikha.
2) Ang Pag-aasawa ay Isinilang sa mga Kapalaran ng Dalawang Magkapareha
Ang pag-aasawa ay isang mahalagang sugpungan sa buhay ng isang tao. Bunga ito ng kapalaran ng isang tao at isang mahalagang kawing sa kapalaran niya; hindi ito itinatatag sa pagkukusa o mga kagustuhan ng sinumang tao, at hindi naiimpluwensiyahan ng anumang panlabas na mga kadahilanan, kundi ganap na tinutukoy ng mga kapalaran ng dalawang panig, sa pamamagitan ng mga pagsasaayos at pagtatadhana ng Lumikha sa mga kapalaran ng magkapareha. Tila ba ang layunin ng pag-aasawa ay ang ipagpatuloy ang sangkatauhan, ngunit ang totoo, ang pag-aasawa ay walang iba kundi isang ritwal na pinagdadaanan ng isang tao sa proseso ng pagtupad sa sarili niyang misyon. Ang mga papel na ginagampanan ng mga tao sa pag-aasawa ay hindi lamang sa pag-aaruga sa susunod na henerasyon; inaako nila ang iba’t ibang papel na may kinalaman sa pagpapanatili ng kasal at sa mga misyon na dapat kumpletuhin sa pamamagitan ng mga papel na iyon. Yamang nakakaimpluwensiya ang sariling kapanganakan sa mga pagbabagong pinagdadaanan ng mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid nito, ang pag-aasawa ng isang tao ay hindi rin maiiwasang makaapekto sa mga tao, pangyayari, at bagay, at higit pa riyan, babaguhin sila ng lahat ng ito sa iba’t ibang paraan.
Kapag nagsimulang magsarili ang isang tao, sinisimulan niya ang kanyang sariling paglalakbay sa buhay, na umaakay sa kanya sa bawat hakbang patungo sa mga tao, pangyayari, at bagay na kaugnay ng kanyang pag-aasawa. Kasabay nito, ang kaparehang bubuo sa pag-aasawang ito ay papalapit, sa bawat hakbang, tungo sa parehong mga tao, pangyayari at bagay. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang dalawang di-magkaanu-ano na nagsasalo sa magkaugnay na kapalaran ay unti-unting pumapasok sa pag-aasawa at himalang nagiging isang pamilya: “dalawang balang na kumakapit sa parehong tali.” Kaya kapag pumasok ang isang tao sa pag-aasawa, ang paglalakbay niya sa buhay ay makakaimpluwensya at makakaantig sa kanyang kabiyak, at makakaimpluwensiya at makakaantig din ang paglalakbay sa buhay ng kapareha niya sa kanyang kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, magkakaugnay ang kapalaran ng mga tao, at walang sinuman ang makakatupad ng misyon ng isang tao sa buhay o makakaganap ng kanyang papel nang walang kaugnayan sa iba. Malaki ang epekto ng kapanganakan ng isang tao sa maraming ugnayan; sangkot din sa paggulang ang isang masalimuot na tanikala ng mga ugnayan; at gayon din, ang pag-aasawa ay di-mapipigilang umiral at napapanatili sa isang malawak at masalimuot na mga koneksyon ng tao, sinasangkot ang bawat taong nasa mga ugnayang ito at nakakaimpluwensiya sa kapalaran ng bawat isang bahagi nito. Ang pag-aasawa ay hindi bunga ng mga pamilya ng kapwa miyembro, ng mga kalagayan na kinalakhan nila, ng kanilang mga hitsura, ng kanilang mga edad, ng kanilang mga katangian, ng kanilang mga talento, o ng anumang iba pang mga kadahilanan; sa halip, ito ay nagmumula sa isang pinagsasaluhang misyon at isang magkaugnay na kapalaran. Ito ang pinagmumulan ng pag-aasawa, isang bunga ng kapalaran ng tao na isinaayos at inihanda ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 126
Ang Anim na Sugpungan sa Buhay ng Tao (Mga piling sipi)
Ang Ikalimang Sugpungan: Supling
Pagkatapos mag-asawa, nagsisimula ang isang tao na alagaan ang susunod na henerasyon. Walang kontrol ang tao sa bilang at uri ng mga anak na mayroon siya; pinagpasyahan din ito ng kapalaran ng isang tao at itinadhana ng Lumikha. Ito ang ikalimang sugpungan na dapat pagdaanan ng isang tao.
Kapag ang isang tao ay ipinanganak upang punan ang papel ng pagiging anak ng isang tao, kung gayon ay nag-aalaga ang isang tao ng susunod na henerasyon upang punan ang papel ng pagiging magulang ng isang tao. Ang paghahaliling ito ng mga papel ang nagpaparanas sa isang tao ng iba’t ibang yugto ng buhay mula sa iba’t ibang perspektibo. Nagbibigay din ito sa isang tao ng iba’t ibang mga karanasan sa buhay na nagpapakilala sa kanya ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na palaging isinasagawa sa parehong paraan, at nagpaparanas sa isang tao ng katunayan na walang sinuman ang maaaring makialam o magbago sa pagtatadhana ng Lumikha.
1) Walang Kontrol ang Isang Tao sa Mangyayari sa Sariling Supling
Ang kapanganakan, paglaki, at pag-aasawa ay naghahatid lahat ng iba’t ibang uri at antas ng kabiguan. May mga tao na di-nasisiyahan sa kanilang mga pamilya o sa kanilang pisikal na anyo; may mga tao na hindi gusto ang kanilang mga magulang; ang ilan ay nagdaramdam o may mga reklamo sa kapaligiran na kinalakihan nila. At sa lahat ng kabiguang ito, ang pag-aasawa ang pinakahindi kasiya-siya para sa karamihan ng mga tao. Kahit gaano pa di-kasiya-siya para sa isang tao ang kanyang kapanganakan, pag-abot sa hustong pag-iisip, o pag-aasawa, alam ng bawat isang dumaan na sa mga ito na hindi mapipili ng isang tao kung saan at kailan siya ipapanganak, ano ang hitsura niya, sino ang kanyang mga magulang, at sino ang kanyang kabiyak, bagkus tinatanggap lamang niya ang kalooban ng Langit. Subalit kapag dumating na ang panahon upang mag-aruga ang mga tao ng susunod na henerasyon, kanilang ipinapasa ang lahat ng kanilang di-natupad na mga pagnanais sa unang bahagi ng kanilang buhay sa kanilang mga inanak, umaasa na mababawi ng kanilang mga supling ang lahat ng kabiguan na naranasan nila sa unang bahagi ng kanilang mga buhay. Kung kaya ginagawa ng mga tao ang lahat ng uri ng pagpapantasya tungkol sa kanilang mga anak: na ang kanilang mga anak na babae ay magiging nakamamanghang mga dilag, na ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging makisig at maginoo; na ang kanilang mga anak na babae ay magkakaroon ng pinag-aralan at magkakaroon ng mga talento at ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging mga napakatalinong mag-aaral at nangungunang atleta; na ang kanilang mga anak na babae ay magiging magiliw, mabait, at matino, at ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging matalino, mahusay, at madaling makaramdam. Umaasa sila na mapababae o mapalalaki man ang kanilang anak, igagalang nito ang nakatatanda sa kanila, magiging maalalahanin sa kanilang mga magulang, mamahalin at pupurihin ng lahat…. Sa puntong ito, muling bumubukal ang pag-asa sa buhay, at nag-aalab ang mga bagong simbuyo sa puso ng mga tao. Alam ng mga tao na sila ay walang kapangyarihan at walang-pag-asa sa buhay na ito, na hindi na sila magkakaroon ng ibang pagkakataon o ng ibang pag-asa na mamukod-tangi sa iba, at wala na silang magagawa kundi ang tanggapin ang kanilang mga kapalaran. At kaya ipinapasa nila ang lahat ng kanilang inaasam, ang kanilang di-natupad na mga ninanais at mithiin, sa susunod na henerasyon, umaasa na makakatulong sa kanila ang kanilang supling na makamit ang kanilang mga pangarap at matupad ang kanilang mga ninanais; na ang kanilang mga anak na babae at mga anak na lalaki ay magdadala ng karangalan sa pangalan ng pamilya, magiging importante, mayaman, o bantog. Sa madaling salita, nais nilang makita na namamayagpag ang tagumpay ng kanilang mga anak. Ang mga plano at pantasya ng mga tao ay perpekto; hindi ba nila alam na ang bilang ng mga anak na mayroon sila, ang hitsura, mga kakayahan ng kanilang mga anak, at iba pa, ay hindi nila mapagpapasyahan, na ni kapiraso ng mga kapalaran ng kanilang mga anak ay wala sa kanilang mga palad? Ang mga tao ay hindi mga panginoon ng kanilang sariling kapalaran, subalit umaasa sila na mababago nila ang mga kapalaran ng mas nakababatang henerasyon; wala silang kapangyarihan na takasan ang kanilang sariling mga kapalaran, subalit sinusubukan nilang kontrolin ang kapalaran ng kanilang mga anak na babae’t lalaki. Hindi kaya nasosobrahan ang tiwala nila sa kanilang mga sarili? Hindi ba ito kahangalan at kamangmangan ng tao? Gagawin ng mga tao ang lahat para sa kapakanan ng kanilang supling, subalit sa bandang huli, hindi maaaring diktahan ng mga plano at mga naisin ng isang tao kung gaano karami at kung anong uri ang mga anak na mayroon sila. May mga tao na walang pera subalit nagkakaanak ng marami; ang ilang tao ay mayaman ngunit wala ni isang anak. Ang ilan ay gusto ng isang anak na babae ngunit pinagkaitan ng ganoong kahilingan; ang ilan ay gusto ng isang anak na lalaki ngunit bigong magkaanak ng lalaki. Para sa ilan, ang mga anak ay isang pagpapala; para sa iba, ang mga ito ay isang sumpa. May mga mag-asawa na matatalino, ngunit nagkakaanak ng mga batang mapupurol ang isip; may mga magulang na masisipag at matatapat, ngunit ang mga pinalalaki nilang anak ay mga tamad. Ang ilang magulang ay mababait at matuwid subalit may mga anak na nagiging mapanlinlang at malupit. May mga magulang na matino ang isip at katawan subalit nagkakaanak ng mga may-kapansanan. May mga magulang na pangkaraniwan at di-matagumpay gayunpaman ay may mga anak na nakagagawa ng mga dakilang bagay. May mga magulang na mababa ang estado sa buhay datapwat may mga anak na umaangat sa kasikatan. …
2) Pagkatapos Palakihin ang Susunod na Henerasyon, Nagtatamo ang mga Tao ng Bagong Pagkaunawa sa Kapalaran
Karamihan sa mga tao na nag-aasawa ay ginagawa ito sa mga edad na tatlumpu, sa punto ng buhay na wala pang anumang pagkaunawa ang isang tao sa tadhana ng tao. Subalit kapag nagsimulang magpalaki ng mga anak ang mga tao, at habang lumalaki ang kanilang supling, napagmamasdan nilang inuulit ng bagong henerasyon ang buhay at ang lahat ng karanasan ng nakaraang henerasyon, at dahil nasasalamin nila ang kanilang sariling mga nakaraan sa mga ito, natatanto nila na ang daan na tinatahak ng mas batang henerasyon, tulad din ng sa kanila, ay hindi maaaring planuhin at piliin. Nahaharap sa ganitong katunayan, wala silang pagpipilian kundi ang aminin na ang kapalaran ng bawat tao ay naitadhana, at nang hindi ganap na natatanto ito, unti-unti nilang isinasantabi ang sarili nilang mga pagnanais, at ang mga kinahihiligan ng kanilang mga puso ay unti-unting naglalaho at nauupos…. Sa panahong ito, ang mga tao ay nakalampas na sa karamihan ng mahahalagang pagsubok sa buhay, nakamit na ang isang bagong pagkaunawa sa buhay, at nagkaroon ng bagong saloobin. Gaano karami ang maaaring asahan sa hinaharap ng isang tao sa ganitong edad at ano ang mga posibilidad na dapat nilang asamin? Sinong limampung taong gulang na babae ang nangangarap pa rin ng Prince Charming? Sinong limampung taong gulang na lalaki ang naghahanap pa rin sa kanyang Snow White? Sinong nasa katanghaliang-gulang na babae ang umaasa pa rin na maging isang sisne mula sa pagiging pangit na sisiw ng pato? Ang karamihan ba sa mga nakakatandang lalaki ay mayroong parehong sigla sa karera tulad ng mga kabataang lalaki? Sa kabuuan, lalaki man o babae ang isang tao, ang sinumang nabubuhay sa edad na ito ay malamang na may makatwiran at praktikal na saloobin sa pag-aasawa, pamilya, at mga anak. Ang ganoong tao, kung tutuusin, ay wala nang natitirang pagpipilian at wala nang simbuyo na hamunin ang kapalaran. Kung karanasan ng tao ang pag-uusapan, sa sandaling makarating ang isang tao sa edad na ito, siya ay natural na nagkakaroon ng ganitong saloobin: “Dapat tanggapin ang kapalaran; ang mga anak ng isang tao ay may kani-kaniyang sariling suwerte; ang kapalaran ng tao ay itinadhana ng Langit.” Karamihan sa mga tao na hindi nakakaunawa ng katotohanan, matapos malampasan ang lahat ng malalaking pagbabago, pagkabigo, at paghihirap sa mundong ito, ay ibubuod ang kanilang mga pananaw sa buhay ng tao sa tatlong salita: “Ganyan ang kapalaran!” Bagaman binubuod ng pariralang ito ang pagkatanto sa kapalaran ng mga tao ng mundo at ang nabuo nilang konklusyon, at bagama’t ito ay nagpapahayag ng kawalang-kakayahan ng sangkatauhan at masasabi na tumatagos at tumpak, ito ay napakalayo sa pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at ito ay talagang hindi pamalit sa kaalaman tungkol sa awtoridad ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 127
Ang Paniniwala sa Kapalaran ay Hindi Pamalit sa Kaalaman Tungkol sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha
Matapos maging isang tagasunod ng Diyos nang napakaraming taon, mayroon bang makabuluhang pagkakaiba sa kaalaman sa kapalaran sa pagitan ninyo at ng mga tao ng mundo? Tunay ba ninyong nauunawaan ang pagtatadhana ng Lumikha, at tunay ba ninyong nalalaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha? Ang ilang tao ay may malalim at taos-pusong pagkaunawa sa pariralang “ganyan ang kapalaran,” subalit hindi sila nananalig man lamang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi sila naniniwala na ang kapalaran ng tao ay inihanda at isinaayos ng Diyos, at hindi sila handang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga ganoong tao ay para bang natangay ng agos ng dagat, ihinampas ng mga alon, lumulutang sa agos, at walang magawa kundi ang maghintay nang walang kibo at isuko ang kanilang mga sarili sa kapalaran. Ngunit hindi nila nakikilala na ang kapalaran ng tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi nila kayang matalos ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sarili nilang pagkukusa, at nang sa gayon ay makamit ang kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos, huminto sa paglaban sa kapalaran, at mabuhay sa ilalim ng pangangalaga, proteksyon, at paggabay ng Diyos. Sa ibang salita, ang pagtanggap sa kapalaran ay hindi katulad ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay hindi nangangahulugang tinatanggap, kinikilala, at nalalaman ng isang tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay pagkilala lamang sa katotohanan nito at sa panlabas na pagpapamalas nito. Iba ito sa pagkaalam kung paano pinamamahalaan ng Lumikha ang kapalaran ng sangkatauhan, mula sa pagkilala na ang Lumikha ang pinagmumulan ng kapamahalaan sa lahat ng kapalaran ng lahat ng bagay, at tiyak na malayo sa pagpapasailalim sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha para sa kapalaran ng sangkatauhan. Kung ang isang tao ay naniniwala lamang sa kapalaran—kahit na matindi ang paniniwala niya rito—ngunit hindi nalalaman, nakikilala, nagpapasailalim, at tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng sangkatauhan, kung gayon ang buhay niya ay magiging isang trahedya, isang buhay na isinasabuhay nang walang saysay, isang kahungkagan; hindi pa rin siya mapapasailalim sa kapamahalaan ng Lumikha, upang maging isang nilikhang tao sa pinakatotoong kahulugan ng parirala, at tamasahin ang pagsang-ayon ng Lumikha. Ang isang tao na tunay na nakatatalos at nakakaranas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ay dapat nasa aktibong kalagayan, hindi walang-kibo o nasa kawalang-kakayahang kalagayan. Kahit na tinatanggap ng taong ito na ang lahat ng bagay ay itinadhana, siya ay dapat magtaglay ng isang tumpak na kahulugan ng buhay at kapalaran: Na ang bawat buhay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kapag nililingon ng isang tao ang daan na kanyang tinahak, kapag ginugunita niya ang bawat yugto ng kanyang paglalakbay, makikita niya na sa bawat hakbang, nakakapagod man o magaan ang kanyang paglalakbay, ang Diyos ay gumagabay sa landas ng isang tao at pinaplano ito. Ang maingat na mga pagsasaayos ng Diyos, ang Kanyang maingat na pagpaplano, ang umakay sa tao, nang hindi niya nalalaman, tungo sa ngayon. Ang matanggap ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at matanggap ang Kanyang pagliligtas—anong dakilang kayamanan iyon! Kapag negatibo ang saloobin ng isang tao sa kapalaran, pinapatunayan nito na siya ay tumututol sa lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanya, na siya ay walang nagpapasakop na saloobin. Kapag ang saloobin ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay positibo, kapag nagbalik-tanaw siya sa sarili niyang paglalakbay, kapag tunay niyang nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas marubdob niyang nanaisin na magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos, magkakaroon ng mas matibay na determinasyon at pagtitiwala na hayaan ang Diyos na isaayos ang kanyang kapalaran, at huminto sa pagrerebelde laban sa Diyos. Sapagkat nakikita ng isang tao na kapag hindi niya naiintindihan ang kapalaran, kapag hindi niya nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kapag nangangapa siya pasulong nang kusang-loob, pasuray-suray at pagiray-giray sa kalituhan, ang paglalakbay ay napakahirap at masyadong nakakasakit ng damdamin. Kaya kapag nakikilala ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, pinipili ng matatalino na alamin at tanggapin ito, na magpaalam sa masasakit na araw nang sinubukan nilang magtatag ng isang mabuting buhay sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay, at na tigilan ang pakikipagbuno laban sa kapalaran at ang paghahangad ng kanilang tinatawag na “mga layunin sa buhay” sa sarili nilang paraan. Kapag walang Diyos ang isang tao, kapag hindi niya Siya nakikita, kapag hindi niya malinaw na nakikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang bawat araw ay walang kabuluhan, walang halaga, kahabag-habag. Saanman naroroon ang isang tao, anuman ang trabaho niya, ang paraan ng paghahanap-buhay niya at ang pagsisikap niya sa sariling mga layunin ay nagdadala lamang sa kanya ng walang-katapusang sakit sa damdamin at di-maibsang pagdurusa, hanggang sa hindi na siya makalingon sa nakaraan. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, pagpapasailalim sa Kanyang mga pagsasaayos at paghahanda, at paghahanap sa tunay na buhay ng tao siya unti-unting makakalaya mula sa lahat ng sakit ng damdamin at pagdurusa, at maiibsan ang lahat ng kahungkagan sa buhay.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 128
Tanging ang mga Nagpapasakop sa Dakilang Kapangyarihan ng Lumikha ang Maaaring Makatamo ng Tunay na Kalayaan
Dahil hindi nakikilala ng mga tao ang pagsasaayos ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagtanggi at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais isantabi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mapapalitan ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito na nagaganap sa kaibuturan ng sariling kaluluwa ay nagdudulot ng matinding kirot na tila tagos hanggang buto habang unti-unti niyang inaaksaya ang kanyang buhay. Ano ang sanhi ng kirot na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi maswerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Pangunahin na ito ay dahil sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa mga paraan na pinili ng mga tao na isabuhay ang kanilang mga buhay. May ilang tao na maaaring hindi nakatanto ng mga bagay na ito. Subalit kapag tunay mong nalalaman, kapag tunay mong nakikilala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng pinlano at pinagpasyahan ng Diyos para sa iyo ay isang malaking benepisyo at proteksyon, kung gayon unti-unting mapapawi ang iyong kirot, at ang buo mong pagkatao ay walang tensyon, malaya, may kasarinlan. Batay sa mga kalagayan ng karamihan sa mga tao, hindi nila kayang tanggapin sa katunayan ang praktikal na halaga at kahulugan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao, bagaman sa personal na lebel, ayaw na nilang patuloy na mamuhay gaya ng dati at nais nila ng ginhawa mula sa kanilang kirot; talagang hindi nila kayang tunay na makilala at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at lalong hindi alam kung paano hahanapin at tatanggapin ang mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha. Kung kaya, kapag hindi talaga makilala ng mga tao ang katotohanan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay na pantao, kung hindi sila tunay na makapagpapasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, kung gayon ay magiging mahirap para sa kanila na hindi madala at hindi mapigilan ng ideya na “ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay.” Magiging mahirap para sa kanila na pagpagin ang kirot ng kanilang matinding pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha, at hindi man kailangang sabihin, magiging mahirap din para sa kanila na maging tunay na may kasarinlan at kalayaan, na maging mga taong sumasamba sa Diyos. Ngunit may napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan: ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layunin sa buhay; ibuod at suriin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layunin sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa mga ito ay hindi akma sa orihinal na layon ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumagawa ng indibiduwal na pagpili, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos. Mukhang madali ito, ngunit isang bagay ito na mahirap gawin. Kayang tiisin ng ilang tao ang kirot nito, ang iba ay hindi. May ilan na handang sumunod, ang iba ay hindi. Ang mga hindi handa ay kulang sa pagnanais at sa kapasyahan na gawin ito; malinaw na batid nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, alam na alam nila na ang Diyos ang Siyang nagpaplano at nagsasaayos ng kapalaran ng tao, gayunman ay patuloy silang sumisipa at nakikipagbuno at nananatiling hindi umaayon na ilagay ang kanilang mga kapalaran sa palad ng Diyos at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, dagdag pa rito, naghihinanakit sila sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos. Kung kaya palaging mayroong ilang tao na nagnanais na sila mismo ang makakita kung ano ang kaya nilang gawin; nais nilang baguhin ang kanilang mga kapalaran sa sarili nilang mga kamay, o makamit ang kaligayahan sa ilalim ng kanilang sariling kapangyarihan, upang makita kung malalampasan nila ang hangganan ng awtoridad ng Diyos at pangibabawan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang trahedya ng tao ay hindi sa hinahanap niya ang maligayang buhay, hindi sa hinahangad niya ang katanyagan at tagumpay o sa pakikipagbuno laban sa kanyang sariling kapalaran nang naliliton, kundi pagkatapos niyang makita ang pag-iral ng Lumikha, matapos niyang matutuhan ang katotohanan na ang Lumikha ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, hindi pa rin niya maiwasto ang kanyang mga nakagawian, hindi niya maalis ang kanyang mga paa sa pusali, ngunit pinatitigas ang kanyang puso at nagpupumilit sa kanyang mga pagkakamali. Mas nanaisin pa niyang magpatuloy na maglupasay sa putikan, matigas ang ulong nakikipagpaligsahan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, nilalabanan ito hanggang sa mapait na katapusan, nang wala ni katiting na pagsisisi. Magpapasya lamang siyang sumuko at bumalik kapag siya ay nakahiga na nang wasak at nagdurugo. Ito ang tunay na pighati ng tao. Kaya sinasabi Ko, ang mga pumipili na magpasakop ay matatalino, at ang mga pumipili na makipagbuno at tumakas ay hangal.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 129
Ang Anim na Sugpungan sa Buhay ng Tao (Mga piling sipi)
Ang Ikaanim na Sugpungan: Kamatayan
Matapos ang labis na pagkaabala at pagmamadali, napakaraming pagkadismaya at kabiguan, matapos ang napakaraming galak at kalungkutan at mga tagumpay at mga pagkabigo, matapos ang napakaraming di-malilimutang taon, matapos ang pagmamasid sa muli’t muling pagbabago ng panahon, dumaraan ang isang tao sa mahahalagang pangyayari sa buhay nang hindi ito namamalayan, at sa isang iglap, natatagpuan niya ang kanyang sarili na nasa takipsilim na ng buhay. Nakatatak ang mga marka ng panahon sa lahat ng bahagi ng katawan niya: Hindi na siya makatayo nang tuwid, ang itim na buhok sa ulo ay nagiging puti, habang ang maliliwanag at malilinaw na mata ay nagdidilim at nanlalabo, ang makinis at malambot na balat ay nagiging kulubot at batik-batik. Ang pandinig niya ay humihina, ang mga ngipin ay umuuga at nalalaglag, ang mga reaksyon ay nahuhuli, at ang mga kilos ay bumabagal…. Sa puntong ito, ganap nang nakapagpaalam ang isang tao sa maalab na mga taon ng kanyang kabataan at pumasok na sa takipsilim ng kanyang buhay: ang katandaan. Susunod, haharapin niya ang kamatayan, ang huling sugpungan sa buhay ng tao.
1) Tanging ang Lumikha ang may Kapangyarihan sa Buhay at Kamatayan ng Tao
Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang iyon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng kanyang misyon sa buhay na ito, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong iyon. Yamang ang Lumikha ang nagtadhana ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kapanganakan ng isang tao, hindi man sabihin ay Siya rin ang nagsaayos ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kamatayan nito. Sa madaling salita, walang sinuman ang ipinanganak na nagkataon lang, walang kamatayan ang biglaan, at kapwa ang kapanganakan at kamatayan ay marapat na konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Ang mga pangyayari sa kapanganakan at kamatayan niya ay kapwa itinadhana ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Dahil marami ang paliwanag tungkol sa kapanganakan ng isang tao, totoo rin na likas na magaganap ang kamatayan ng tao sa ilalim ng espesyal na hanay ng magkakaibang pangyayari. Ito ang dahilan kaya may magkakaibang haba ng buhay ang mga tao at magkakaibang paraan at mga oras ang kanilang mga kamatayan. May ilang tao na malakas at malusog ngunit namamatay nang maaga; ang mga iba ay mahina at sakitin ngunit nabubuhay hanggang sa tumanda at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba ay sa natural na paraan. Natatapos ng ilan ang kanilang mga buhay nang malayo sa tahanan, ang iba ay ipinipikit ang kanilang mga mata sa huling pagkakataon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba ay sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay lumulubog sa ilalim ng tubig, ang iba ay namamatay sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba ay sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakawala sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao. Maaaring gawin ng tao ang lahat ng uri ng mga plano para sa kanyang kinabukasan, subalit walang sinuman ang maaaring makapagplano ng paraan at panahon ng kanyang kapanganakan at ng kanyang pag-alis mula sa mundo. Bagaman ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya upang iwasan at pigilan ang pagdating ng kamatayan, gayunpaman, tahimik na lumalapit ang kamatayan nang hindi nila nalalaman. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan o kung paano sila mamamatay, lalong hindi nila alam kung saan ito magaganap. Malinaw na hindi ang sangkatauhan ang humahawak ng kapangyarihan ng buhay at kamatayan, hindi isang nilalang sa natural na mundo, kundi ang Lumikha, na ang awtoridad ay natatangi. Ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay hindi bunga ng ilang batas ng mundong natural, ngunit bunga ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha.
2) Ang Hindi Nakakaalam sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha ay Hindi Patatahimikin ng Takot sa Kamatayan
Kapag pumasok ang isang tao sa katandaan, ang hamon na kinakaharap niya ay hindi ang pagtustos para sa isang pamilya o pagtatatag niya ng matataas na ambisyon sa buhay, kundi kung paano mamamaalam sa sariling buhay, kung paano haharapin ang pagtatapos ng sariling buhay, kung paano tutuldukan ang sariling pag-iral. Bagama’t tila kaunting atensyon lang ang ibinibigay ng mga tao sa kamatayan, walang sinuman ang maaaring makaiwas sa pagsiyasat sa paksa, sapagkat walang sinuman ang nakakaalam kung may isa pa ngang mundo sa dakong mas malayo pa sa kamatayan, isang mundo na hindi kayang mahiwatigan o maramdaman ng mga tao, isang mundo na wala silang alam. Ito ang sanhi ng takot ng tao na tuwirang harapin ang kamatayan, takot na kaharapin ito ayon sa nararapat; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maiwasan ang paksa. Kung kaya pinupuno nito ang bawat tao ng pangamba tungkol sa kamatayan, at nagdaragdag ng tabing ng misteryo sa di-maiiwasang katotohanang ito ng buhay at nagbibigay ng karimlan sa puso ng bawat tao.
Kapag nararamdaman ng isang tao na nanghihina na ang kanyang katawan, kapag nadarama niya na papalapit na siya sa kamatayan, nakakaramdam siya ng malabong pangamba, ng isang di-maipahayag na takot. Ipinadarama sa isang tao ng takot sa kamatayan ang mas matindi pang kalungkutan at kawalang-kakayahan, at sa puntong ito ay tinatanong niya sa sarili: Saan nanggaling ang tao? Saan papunta ang tao? Ganito ba mamamatay ang tao, pagkatapos daanan nang mabilis ang kanyang buhay? Ito ba ang yugto na nagmamarka sa katapusan ng buhay ng tao? Ano, sa bandang huli, ang kahulugan ng buhay? Sa huli, ano ang halaga ng buhay? Tungkol ba ito sa katanyagan o karangyaan? Tungkol ba ito sa pagtataguyod ng isang pamilya? … Napag-iisipan man ng isang tao ang tungkol sa partikular na mga katanungang ito o hindi, kahit gaano katindi ang takot ng isang tao sa kamatayan, sa kaibuturan ng puso ng bawat tao ay palaging may pagnanais na siyasating maigi ang mga misteryo, isang pakiramdam ng kawalan ng pagkaunawa sa buhay, at kahalo ng mga ito, ang pagka-sentimental tungkol sa mundo at ang pag-aatubili na lumisan. Marahil walang sinuman ang makapagsasabi nang malinaw kung ano ang kinatatakutan ng tao, kung ano ang hinahangad ng tao, kung ano ang dahilan ng pagiging sentimental niya at kung ano ang atubili siyang iwanan …
Dahil sa takot nila sa kamatayan, masyadong nag-aalala ang mga tao; dahil sa takot nila sa kamatayan, kay dami nilang hindi mabitawan. Kapag mamamatay na sila, may ilang tao ang naliligalig tungkol sa ganito o sa ganoon; nag-aalala sila tungkol sa kanilang mga anak, sa mga minamahal nila sa buhay, sa kanilang kayamanan, na para bang sa pamamagitan ng pag-aalala ay mabubura nila ang paghihirap at pangamba na dala ng kamatayan, na para bang sa pagpapanatili ng pagiging malapit sa nabubuhay ay maaari nilang matakasan ang kawalang-kakayahan at kalungkutan na kaakibat ng kamatayan. Sa kaibuturan ng puso ng tao ay nakahimlay ang isang di-malinaw na takot, ang takot na malayo mula sa mga minamahal, na hindi na kailanman muling makita ng mga mata ang mga bughaw na kalangitan, na kailanman ay hindi na matingnan ang materyal na mundo. Ang isang nalulungkot na kaluluwa na sanay na kasama ang mga minamahal ay nag-aatubiling pakawalan ang kapit nito at lumisan, na nag-iisa, tungo sa isang di-nakikilala at hindi pamilyar na mundo.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 130
Ang Buhay na Ginugol sa Paghahangad ng Katanyagan at Kapakinabangan ay Iiwan ang Isang Tao na Nalilito sa Harap ng Kamatayan
Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatalaga ng Lumikha, ang isang malungkot na kaluluwa na nagsimula nang walang anuman sa pangalan niya ay nagkakaroon ng mga magulang at isang pamilya, ng pagkakataon na maging kasapi ng sangkatauhan, ng pagkakataon na maranasan ang buhay ng tao at makita ang mundo. Natatamo rin ng kaluluwa na ito ang pagkakataon na maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na malaman ang kahanga-hangang paglikha ng Lumikha, at higit pa riyan ay ang malaman at magpasakop sa awtoridad ng Lumikha. Subalit hindi tunay na sinasamantala ng karamihan ng mga tao ang pambihira at madaling lumipas na pagkakataong ito. Inuubos ng tao ang panghabambuhay na halaga ng enerhiya sa paglaban sa kapalaran, ginugugol ang lahat ng kanyang panahon sa pagiging abala para buhayin ang kanyang pamilya at nagpapabalik-balik sa pagitan ng kayamanan at katayuan. Ang mga bagay na pinakaiingat-ingatan ng mga tao ay ang pamilya, salapi, at katanyagan at itinuturing nila ang mga bagay na ito na pinakamahahalagang bagay sa buhay. Lahat ng tao ay nagrereklamo tungkol sa kanilang mga kapalaran, subalit isinasantabi pa rin nila sa kanilang mga isip ang mga usapin na pinakamahalagang suriin at unawain: bakit buhay ang tao, paano dapat mabuhay ang tao, ano ang kahalagahan at kahulugan ng buhay. Gaano man karaming taon sila magtatagal, ginugugol lamang nila ang buong buhay nila sa pagiging abala sa paghahanap ng katanyagan at kapakinabangan, hanggang sa lumipas na ang kabataan nila at maging matanda at kulubot na sila. Nabubuhay sila nang ganito hanggang sa makita nila na hindi mapapahinto ng katanyagan at kapakinabangan ang pagdausdos nila tungo sa katandaan, na hindi maaaring punan ng salapi ang kahungkagan ng puso, na walang sinuman ang malilibre mula sa mga batas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan, na hindi matatakasan ninuman ang kapalarang nakalaan sa kanila. Tanging kapag napilitan lamang silang harapin ang huling sugpungan ng buhay nila tunay na nauunawaan na kahit na magmay-ari ang isang tao ng napakalaking kayamanan at napakaraming ari-arian, kahit marami siyang pribilehiyo at may mataas na katayuan, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kamatayan at bawat isa ay babalik sa kanyang orihinal na posisyon: isang nag-iisang kaluluwa, na walang anuman sa pangalan niya. Kapag ang isang tao ay may mga magulang, naniniwala siya na ang kanyang mga magulang ang lahat; kapag ang isang tao ay may ari-arian, iniisip niya na ang salapi ang pangunahing sandigan niya, na ito ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng isang tao; kapag ang mga tao ay may katayuan, mahigpit ang pagkapit nila rito at isasapalaran nila ang kanilang mga buhay dahil dito. Tanging kapag bibitawan na ng mga tao ang mundong ito nila matatanto na ang mga bagay na pinaggugulan nila ng kanilang buhay na kamtin ay parang mga dumaraang ulap lamang, wala sa mga ito ang maaari nilang panghawakan, wala sa mga ito ang maaari nilang isama, wala sa mga ito ang maaaring maglibre sa kanila mula sa kamatayan, wala sa mga ito ang maaaring magbigay ng makakasama o aliw sa isang malungkot na kaluluwa sa pagbabalik nito; at higit sa lahat, wala sa mga ito ang maaaring magligtas sa tao at magbigay sa kanya ng kakayahan na malampasan ang kamatayan. Ang katanyagan at kapakinabangan na natatamo ng isang tao sa materyal na mundo ay maaaring makapagbigay sa kanya ng panandaliang kasiyahan, lumilipas na kaaliwan, at isang huwad na pakiramdam ng kaluwagan; dahilan para mawala sa tamang landas ang isang tao. Kaya habang sila ay kumakawag-kawag sa malawak na dagat ng sangkatauhan, nananabik sa kapayapaan, kaginhawahan, at kapanatagan ng puso, ang mga tao ay muli’t muling nadadala sa ilalim ng mga alon. Kapag hindi pa nauunawaan ng mga tao ang mga katanungan na pinakamahalagang maunawaan—kung saan sila nanggaling, bakit sila nabubuhay, saan sila patutungo, at iba pa—sila ay naaakit ng katanyagan at kapakinabangan, inililigaw, kinokontrol ng mga ito at tuluyan nang nawawala. Mabilis na lumilipas ang panahon; dumadaan ang mga taon sa isang kisapmata, at bago pa matanto ng isang tao, siya ay nakapagpaalam na sa pinakamaiinam na taon ng kanyang buhay. Kapag malapit nang lumisan ang isang tao mula sa mundo, unti-unti niyang natatanto na ang lahat sa mundo ay inaanod, na hindi na siya makakapit sa mga pag-aari niya na orihinal na sa kanya; doon tunay na nararamdaman ng isang tao na siya ay walang kahit anong pag-aari, tulad ng isang tumataghoy na sanggol na kalalabas lang sa mundo. Sa puntong ito, napipilitan siyang pag-isipan kung ano ang nagawa niya sa buhay, ano ang kabuluhan ng pagiging buhay, ano ang kahulugan nito, bakit naparito siya sa mundo. At sa puntong ito ay mas ninanais niyang malaman kung tunay na may kabilang buhay, kung tunay na mayroong Langit, kung talagang mayroong kabayaran…. Habang mas papalapit ang isang tao sa kamatayan, mas ninanais niyang maunawaan kung tungkol talaga saan ang buhay; habang mas papalapit siya sa kamatayan, tila nagiging mas hungkag ang puso niya; habang mas papalapit siya sa kamatayan, mas nararamdaman niya ang kawalang-kakayahan; kaya lumalaki ang takot niya sa kamatayan sa bawat araw. May dalawang dahilan kung bakit ipinamamalas ng mga tao ang ganitong mga pakiramdam habang papalapit sila sa kamatayan: Una, malapit nang mawala sa kanila ang katanyagan at kayamanan kung saan nila isinalig ang kanilang buhay, at iiwan na nila ang lahat ng nakikita sa mundo; at ikalawa, kakaharapin na nila, nang mag-isa, ang isang hindi pamilyar na mundo, isang misteryoso at di-kilalang mundo na natatakot silang puntahan, kung saan ay wala silang mga mahal sa buhay at walang susuporta. Dahil sa dalawang dahilang ito, lahat ng humaharap sa kamatayan ay di-mapalagay, nagugulumihanan, at nakakaranas ng kawalang-kakayahan na hindi nila kailanman naranasan. Kapag ang mga tao ay talagang nakarating na sa puntong ito ay saka pa lamang nila matatanto na ang unang bagay na dapat maunawaan ng isang tao, kapag umapak sila sa mundong ito, ay kung saan nanggaling ang mga tao, bakit buhay ang mga tao, sino ang nagdidikta ng kapalaran ng tao, sino ang nagbibigay at may kataas-taasang kapangyarihan sa pag-iral ng tao. Sa kaalamang ito tunay na nabubuhay ang isang tao, ang pangunahing batayan para patuloy na mabuhay ang tao—hindi ang pagkakatuto kung paano suportahan ang sariling pamilya, o kung paano makakamtan ang katanyagan at kayamanan, hindi ang matutuhan kung paano mamumukod-tangi sa karamihan ng tao o kung paano magkaroon ng isang mas marangyang pamumuhay, mas lalong hindi upang matutuhan kung paano mangibabaw o matagumpay na makipagpaligsahan sa iba. Bagaman ang pinaggugugulan ng mga tao ng kanilang buhay na pagiging mahusay sa iba’t ibang kasanayan para maipagpatuloy ang buhay ay maaaring makapaghandog ng kasaganaan sa mga materyal na kaginhawahan, ang mga ito ay di-kailanman nakapagdadala sa puso ng isang tao ng tunay na kapayapaan at kasiyahan, sa halip ay patuloy na nagiging dahilan ang mga ito para mawala ng mga tao ang kanilang direksyon, mahirapang kontrolin ang kanilang mga sarili, mapalampas ang bawat pagkakataon na matutuhan ang kabuluhan ng buhay; ang mga kasanayan na ito na para sa patuloy na pamumuhay ay lumilikha ng pagkaligalig kung paano angkop na haharapin ang kamatayan. Sa ganitong paraan, nasisira ang mga buhay ng mga tao. Tinatrato ng Lumikha ang lahat nang patas, binibigyan ang bawat isa ng panghabambuhay na mga pagkakataon na maranasan at makilala ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, subalit tanging kapag papalapit na ang kamatayan, kapag nakaamba na sa isang tao ang kawit ni kamatayan, ay saka pa lamang makikita ng tao ang liwanag—at kapag nagkagayon ay huling-huli na ang lahat.
Ginugugol ng mga tao ang kanilang mga buhay sa paghahanap ng salapi at katanyagan; mahigpit silang kumakapit sa mga dayaming ito, iniisip na ang mga ito ang tanging paraan nila ng suporta, na para bang kung mayroon sila nito ay maaari silang patuloy na mabuhay, na maaari silang malibre sa kamatayan. Subalit kapag malapit na silang mamatay doon lamang nila natatanto kung gaano kalayo ang mga bagay na ito sa kanila, kung gaano sila kahina sa harap ng kamatayan, kung gaano sila kadaling mabasag, kung gaano sila kalungkot at tila walang-kakayahan, at walang matatakbuhan. Natatanto nila na ang buhay ay hindi nabibili ng salapi at katanyagan, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang posisyon, lahat ng tao ay pantay-pantay na mahihirap at walang halaga sa harap ng kamatayan. Natatanto nila na hindi nabibili ng pera ang buhay, na hindi mabubura ng katanyagan ang kamatayan, na alinman sa pera o katanyagan ay di-makapagpapahaba ng buhay ng isang tao nang kahit na isang minuto o kahit na isang segundo. Habang mas lalong ganito ang nararamdaman ng mga tao, lalo nilang ninanais na patuloy na mabuhay; habang mas nararamdaman ito ng mga tao, mas kinatatakutan nila ang pagsapit ng kamatayan. Tanging sa punto lang na ito nila tunay na napagtatanto na ang kanilang mga buhay ay hindi sa kanila, hindi sa kanila para kontrolin, at walang sinuman ang makapagsasabi kung siya ay mabubuhay o mamamatay—ang lahat ng ito ay wala sa kanyang kontrol.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 131
Magpasakop sa Kapamahalaan ng Lumikha at Mahinahon na Harapin ang Kamatayan
Sa sandaling ipanganak ang isang tao, sinisimulan ng isang malungkot na kaluluwa na danasin ang buhay sa mundo, na danasin ang awtoridad ng Lumikha na isinaayos ng Lumikha para sa kanya. Hindi man kailangang sabihin, para sa tao—sa kaluluwa—ito ay isang napakagandang pagkakataon upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na makilala ang Kanyang awtoridad at personal na maranasan ito. Nabubuhay ang mga tao sa ilalim ng mga batas ng kapalaran na inilatag para sa kanila ng Lumikha, at para sa sinumang makatwirang tao na may konsensya, ang pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at malaman ang Kanyang awtoridad sa loob ng ilang dekada ng kanilang buhay ay isang bagay na hindi mahirap gawin. Kaya napakadali dapat para sa isang tao na makilala, sa pamamagitan ng kanyang sariling mga karanasan sa buhay sa nakaraang ilang dekada, na ang lahat ng kapalaran ng tao ay pauna nang itinadhana, at madali na dapat niyang maunawaan o ibuod kung ano ang kahulugan ng maging buhay. Kasabay ng pagyakap ng isang tao sa mga aral na ito sa buhay, unti-unti niyang mauunawaan kung saan nanggagaling ang buhay at maiintindihan kung ano ang tunay na kinakailangan ng puso, kung ano ang makapagdadala sa kanya sa tunay na landas ng buhay, at kung ano dapat ang misyon at mithiin sa buhay ng tao. Unti-unting makikilala ng tao na kung hindi niya sasambahin ang Lumikha, kung hindi siya pasasailalim sa Kanyang kapamahalaan, kung gayon kapag dumating na ang panahon na haharapin na niya ang kamatayan—kapag ang isang kaluluwa ay haharap nang muli sa Lumikha—mapupuno ang kanyang puso ng walang hanggang takot at pagkabalisa. Kapag ilang dekada nang nabubuhay ang isang tao sa mundo subalit hindi pa rin niya alam kung saan nanggaling ang buhay ng tao at hindi pa rin niya nakikilala kung kaninong palad nakalagay ang kapalaran ng tao, kung gayon ay hindi nakapagtataka na hindi niya makakayang harapin ang kamatayan nang mahinahon. Ang isang tao na nakatamo ng kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha matapos makaranas ng ilang dekada ng buhay, ay isang tao na may tamang pagpapahalaga sa kahulugan at halaga ng buhay. Ang taong ito ay may malalim na kaalaman sa layunin ng buhay, may tunay na karanasan at pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at higit pa riyan ay may kakayahan na magpasailalim sa awtoridad ng Lumikha. Nauunawaan ng ganoong tao ang kahulugan ng paglikha ng Diyos sa sangkatauhan, nauunawaan niya na dapat sambahin ng tao ang Lumikha, na ang lahat ng pag-aari ng tao ay nagmumula sa Lumikha at babalik sa Kanya balang-araw sa hindi malayong hinaharap. Nauunawaan ng ganoong tao na ang Lumikha ang nagsasaayos ng kapanganakan ng tao at may kataas-taasang kapangyarihan sa kamatayan ng tao, at ang kapwa buhay at kamatayan ay pauna nang itinadhana ng awtoridad ng Lumikha. Kaya, kapag tunay na naiintindihan ng isang tao ang mga bagay na ito, siya ay natural na makakaharap sa kamatayan nang mahinahon, isinasantabi ang lahat ng makasanlibutang pag-aari niya nang mahinahon, tinatanggap at masayang nagpapasailalim sa lahat ng kasunod, at malugod na tinatanggap ang huling sugpungan ng buhay na isinaayos ng Lumikha sa halip na walang taros na katakutan at labanan ito. Kung tinitingnan ng isang tao ang buhay bilang isang pagkakataon para maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at makilala ang Kanyang awtoridad, kung nakikita niya na ang kanyang buhay ay isang pambihirang pagkakataon upang gampanan ang sariling tungkulin bilang isang nilikhang tao at tuparin ang kanyang misyon, kung gayon ay talagang magkakaroon siya ng wastong pananaw sa buhay, tiyak na magkakaroon ng buhay na pinagpapala at ginagabayan ng Lumikha, siguradong lalakad sa liwanag ng Lumikha, tiyak na makikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, talagang magpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan, siguradong magiging isang saksi sa Kanyang mahimalang mga gawa, at sa Kanyang awtoridad. Hindi man kailangang sabihin, ang ganoong tao ay talagang minamahal at tinatanggap ng Lumikha, at tanging ang ganoong tao ang maaaring magkaroon ng mahinahong saloobin sa kamatayan at magagalak na salubungin ang huling sugpungan ng buhay. Ang isang tao na malinaw na nagkaroon ng ganitong uri ng saloobin ukol sa kamatayan ay si Job. Nasa posisyon noon si Job na masayang tanggapin ang huling sugpungan ng buhay, at nang ang kanyang paglalakbay sa buhay ay humantong na sa isang maayos na katapusan at nang makumpleto na ang kanyang misyon sa buhay, bumalik na siya sa tabi ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 132
Ang mga Pagsusumikap at mga Natamo ni Job sa Buhay ang Nagpahintulot sa Kanya na Mahinahong Harapin ang Kamatayan
Sa Bibliya nasusulat ang tungkol kay Job: “Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan” (Job 42:17). Ito ay nangangahulugan na nang namatay si Job, wala siyang mga panghihinayang at hindi siya nakaramdam ng sakit, bagkus ay natural siyang lumisan sa mundong ito. Gaya ng nababatid ng lahat, si Job ay isang tao na may takot sa Diyos at iniwasan ang kasamaan noong siya ay nabubuhay pa. Ang kanyang mga gawa ay pinapurihan ng Diyos at inalala ng mga tao, at ang kanyang buhay ay maaaring sabihin na nagkaroon ng halaga at kabuluhan na higit kaysa kaninuman. Tinamasa ni Job ang mga pagpapala ng Diyos at tinawag Niya siyang matuwid sa lupa, at siya ay sinubok din ng Diyos, at tinukso ni Satanas. Naging saksi siya ng Diyos at naging marapat na matawag Niya na isang matuwid na tao. Ilang dekada matapos siyang subukin ng Diyos, nagkaroon siya ng buhay na higit na mahalaga, makahulugan, makatwiran, at mapayapa kaysa dati. Dahil sa kanyang matuwid na mga gawa, sinubok siya ng Diyos, dahil din sa kanyang matuwid na mga gawa, nagpakita sa kanya ang Diyos at direktang nakipag-usap sa kanya. Kaya sa mga taon matapos siyang subukin, naunawaan at pinahalagahan ni Job ang halaga ng buhay sa isang mas konkretong paraan, nagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nagtamo ng mas tumpak at tiyak na kaalaman kung paano nagbibigay at nag-aalis ng Kanyang mga pagpapala ang Lumikha. Itinatala ng Aklat ni Job na nagkaloob ang Diyos na si Jehova ng mas maraming mga pagpapala kay Job kaysa sa ibinigay Niya sa kanya noon na naglagay kay Job sa mas mainam pang posisyon upang kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at harapin ang kamatayan nang mahinahon. Kaya nang tumanda na at naharap na si Job sa kamatayan ay tiyak na hindi siya nangamba tungkol sa kanyang mga ari-arian. Wala siyang mga alalahanin, walang pinanghihinayangan, at siyempre hindi siya natakot sa kamatayan, sapagkat ginugol niya ang buong buhay niya na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Wala siyang dahilan upang mag-alala tungkol sa sarili niyang katapusan. Ilan bang tao ngayon ang makakayang kumilos tulad ng lahat ng ginawa ni Job nang kanyang harapin ang sarili niyang kamatayan? Bakit walang sinuman ang nakakapagpanatili ng ganoong kasimpleng panlabas na tikas? Isa lang ang dahilan: Nabuhay si Job sa pansariling pagsusumikap sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at dahil sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop na ito, nakalampas siya sa mahahalagang sugpungan ng buhay, isinabuhay ang kanyang mga huling taon, at binati ang panghuling sugpungan ng kanyang buhay. Anuman ang naranasan ni Job, ang mga pinagsikapan at layunin niya sa buhay ay masasaya at hindi masasakit. Siya ay maligaya hindi dahil sa mga pagpapala o papuri na iginawad sa kanya ng Lumikha, kundi mas mahalaga pa rito, dahil sa kanyang mga pinagsikapan at layunin sa buhay, dahil sa lumalagong kaalaman at tunay na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha na kanyang natamo sa pamamagitan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at dagdag pa rito, dahil sa nakamamanghang mga gawa Niya na personal na naranasan ni Job sa panahon na napailalim siya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at sa magiliw at di-malilimutang mga karanasan at mga alaala ng pakikipamuhay, pakikipagkilala, at kapwa pagkakaunawaan sa pagitan ng tao at ng Diyos. Si Job ay masaya dahil sa kapanatagan at kagalakan na nagmula sa kaalaman tungkol sa kalooban ng Lumikha, at dahil sa pagpipitagang lumitaw matapos makita na Siya ay dakila, kamangha-mangha, kaibig-ibig, at matapat. Ang dahilan kung bakit nakayang harapin ni Job ang kamatayan nang walang paghihirap ay dahil batid niya na sa kanyang pagkamatay, siya ay babalik sa tabi ng Lumikha. Ang mga pinagsikapan at natamo niya sa buhay ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang kamatayan nang mahinahon, ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang posibilidad na mahinahong babawiin ng Lumikha ang kanyang buhay, at dagdag pa rito, ang nagpahintulot sa kanya na makatindig nang walang dungis at walang inaalala sa harap ng Lumikha. Maaari kayang matamo ng mga tao sa kasalukuyan ang ganitong uri ng kaligayahan na naangkin ni Job? Kayo ba ay nasa posisyon na gawin ito? Yamang nasa ganitong posisyon ang mga tao sa kasalukuyan, bakit hindi nila nagagawang mamuhay nang maligaya tulad ni Job? Bakit hindi nila matakasan ang paghihirap mula sa takot sa kamatayan? Kapag nahaharap sa kamatayan, may ilang tao na hindi mapigilang mapaihi; ang iba ay nanginginig, nahihimatay, nagagalit sa Langit at pati na sa tao; ang ilan ay nananaghoy pa nga at tumatangis. Ang mga ito ay hindi biglaang mga reaksyon na nangyayari kapag papalapit na ang kamatayan. Ang pangunahing sanhi kaya kumikilos ang mga tao sa ganitong nakakahiyang mga paraan ay sapagkat sa kaibuturan ng kanilang mga puso, takot sila sa kamatayan, sapagkat wala silang malinaw na kaalaman at pagpapahalaga sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, at lalong hindi sila tunay na nagpapasakop sa mga iyon. Ang mga tao ay tumutugon sa ganitong paraan sapagkat wala silang ibang gusto kundi ang isaayos at pamahalaan nila mismo ang lahat ng bagay, ang kontrolin ang sarili nilang kapalaran, ang sarili nilang mga buhay at kamatayan. Hindi kataka-taka, samakatwid, na kailanman ay hindi magawang takasan ng mga tao ang takot sa kamatayan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 133
Tanging sa Pagtanggap sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha Maaaring Makabalik ang Isang Tao sa Kanyang Tabi
Kapag ang isang tao ay walang malinaw na pagkaunawa at karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, tiyak na magiging magulo ang kaalaman niya tungkol sa kapalaran at sa kamatayan. Hindi makita ng mga tao nang malinaw na ang lahat ng bagay ay nasa palad ng Diyos, hindi nila natatanto na ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kontrol at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila kinikilala na hindi maaaring isantabi o matakasan ang ganoong kataas-taasang kapangyarihan. Dahil dito, kapag nahaharap na sila sa kamatayan, walang katapusan ang kanilang huling mga salita, alalahanin, at panghihinayang. Nabibigatan sila sa labis na mga pasanin, sobrang pag-aatubili, at lubhang pagkalito. Nagiging dahilan ang lahat ng ito para matakot sila sa kamatayan. Para sa sinumang isinilang sa mundong ito, ang kanilang kapanganakan ay kinakailangan at ang kanilang kamatayan ay hindi maiiwasan; walang sinumang makakalampas sa kaganapang ito. Kung nais ninuman na lisanin ang mundong ito nang hindi nasasaktan, kung nais ng isang tao na harapin ang huling sugpungan ng buhay na walang pag-aatubili o pag-aalala, ang tanging paraan ay ang lumisan nang walang mga panghihinayang. At ang tanging paraan ng paglisan na walang mga panghihinayang ay ang makilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang makilala ang Kanyang awtoridad, at ang magpasakop sa mga ito. Tanging sa ganitong paraan maaaring manatiling malayo mula sa mga alitan ng tao, mula sa kasamaan, mula sa pang-aalipin ni Satanas, at tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay ang isang tao na tulad ni Job, na ginagabayan at pinagpapala ng Lumikha, isang buhay na malaya at hindi nakagapos, isang buhay na may kahalagahan at kahulugan, isang buhay na tapat at bukas-puso. Tanging sa ganitong paraan maaaring magpasakop ang isang tao, tulad ni Job, sa mga pagsubok at pagkakait ng Lumikha at sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Tanging sa ganitong paraan maaaring sambahin ng isang tao ang Lumikha nang buong buhay niya at makamit ang Kanyang papuri, gaya ng nangyari kay Job, at marinig ang Kanyang tinig at makita Siya. Tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay at mamatay ang isang tao nang maligaya, tulad ni Job, na walang sakit, walang inaalala, walang mga panghihinayang. Tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay sa liwanag, tulad ni Job, at daanan ang bawat sugpungan ng buhay sa liwanag, maayos na kinukumpleto ang sariling paglalakbay sa liwanag, at matagumpay na tinatapos ang sariling misyon—upang maranasan, matutuhan, at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha bilang isang nilalang—at mamatay sa liwanag, at magpakailanman ay tumindig sa tabi ng Lumikha bilang isang taong nilalang, na pinupuri Niya.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 134
Huwag Palampasin ang Pagkakataon na Makilala ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha
Ang ilang dekadang bumubuo sa buhay ng tao ay hindi mahaba at hindi rin maikli. Ang humigit-kumulang na dalawampung taon sa pagitan ng kapanganakan at pagkahinog ng gulang ay lumilipas sa isang kisapmata, at bagaman sa puntong ito ng buhay ang tao ay itinuturing nang isang may hustong gulang, ang mga tao sa grupo ng edad na ito ay walang alam tungkol sa buhay ng tao at kapalaran ng tao. Habang nagkakaroon sila ng mas maraming karanasan, sila ay unti-unting dumarating sa kalagitnaang edad. Ang mga tao sa edad na tatlumpu at apatnapu ay nagtatamo ng umuusbong na karanasan sa buhay at kapalaran, subalit ang kanilang mga ideya tungkol sa mga bagay na ito ay masyado pa ring malabo. Pagsapit sa edad na apatnapu pa lamang nagsisimulang maunawaan ng ilang tao ang sangkatauhan at ang sansinukob, na nilikha ng Diyos, at maintindihan ang layunin ng buhay ng tao, ang layunin ng kapalaran ng tao. May ilang tao na, bagaman matagal nang mga tagasunod ng Diyos at ngayon ay nasa kalagitnaang gulang na, ay hindi pa rin nag-aangkin ng tamang kaalaman at kahulugan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at lalong walang tunay na pagpapasakop. May ilang tao na walang pakialam maliban sa paghahangad na makatanggap ng mga pagpapala, at bagaman maraming taon na silang nabubuhay, hindi nila alam o nauunawaan ni katiting ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao, at hindi pa humahakbang nang kahit bahagya man lamang tungo sa praktikal na aral ng pagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang mga taong tulad nito ay hangal na hangal, at sila ay nabubuhay nang walang kabuluhan.
Kung ang mga panahon sa buhay ng tao ay hinati-hati ayon sa antas ng karanasan sa buhay ng mga tao at kaalaman nila sa kapalaran ng tao, ang mga ito ay humigit-kumulang na mahahati sa tatlong bahagi. Ang unang bahagi ay ang kabataan, ang mga taon sa pagitan ng kapanganakan at kalagitnaang edad, o mula kapanganakan hanggang tatlumpung taon. Ang ikalawang bahagi ay ang panahon ng kahustuhan ng pag-iisip, mula kalagitnaang edad hanggang katandaan, o simula sa tatlumpu hanggang animnapung taon. At ang ikatlong bahagi ay ang panahon ng katandaan ng isang tao, na nag-uumpisa sa edad ng katandaan, simula sa animnapung taon, hanggang sa lisanin niya ang mundo. Sa ibang mga salita, mula kapanganakan hanggang kalagitnaang edad, karamihan sa kaalaman ng mga tao sa kapalaran at sa buhay ay limitado sa paggaya sa mga ideya ng iba at halos walang tunay at praktikal na diwa. Sa panahong ito, ang pagtingin sa buhay ng isang tao at kung paano niya tatahakin ang kanyang daan sa mundo ay talagang mababaw at walang muwang. Ito ang panahon ng kabataan. Kapag natikman na ng isang tao ang lahat ng galak at pighati sa buhay ay saka pa lamang niya matatamo ang isang tunay na pagkaunawa sa kapalaran, at—nang hindi namamalayan at sa kaibuturan ng kanyang puso—ay unti-unti niyang mapapahalagahan na hindi maaaring mabaliktad ang kapalaran, at dahan-dahan niyang matatanto na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao ay tunay na umiiral. Ito ang panahon ng kahustuhan ng pag-iisip. Pumapasok ang isang tao sa panahon ng kahustuhan ng pag-iisip kapag ang isang tao ay huminto na sa pakikibaka laban sa kapalaran, at kapag siya ay hindi na handang mapasali sa mga pag-aaway, at sa halip ay alam na ang sariling kapalaran sa buhay, nagpapasakop sa kalooban ng Langit, binubuod ang sariling mga nagawa at mga pagkakamali sa buhay, at naghihintay sa paghatol ng Lumikha sa kanyang buhay. Kung isasaalang-alang ang iba’t ibang karanasan at mga natamo ng mga tao na nakamtan sa tatlong kapanahunang ito, sa normal na mga kalagayan, kakaunti lamang ang mga pagkakataon ng isang tao na malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kung mabubuhay ang isang tao hanggang animnapung taon, siya ay may tatlumpung taon lamang o mahigit pa upang malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; kung nais niya ng mas mahabang panahon, posible lamang iyon kung ang buhay ng isang tao ay sapat ang haba, kung siya ay mabubuhay sa loob ng isang siglo. Kaya sinasabi Ko, ayon sa normal na mga batas ng pag-iral ng tao, bagaman ito ay isang napakahabang proseso mula nang unang makatagpo ng tao ang paksa tungkol sa pag-alam sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha hanggang sa makilala niya ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihang iyon, at mula roon hanggang sa punto na kaya na niyang magpasakop dito, kung talagang bibilangin niya ang mga taon, wala pang higit na tatlumpu o apatnapung taon ang panahon kung kailan may pagkakataon siyang matamo ang mga gantimpalang ito. At kadalasan, ang mga tao ay nadadala ng kanilang mga pagnanais at ng kanilang mga ambisyon na makatanggap ng mga pagpapala na hindi na nila mabatid kung saan naroon ang diwa ng buhay ng tao at hindi nila naiintindihan ang kahalagahan ng pag-alam sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Hindi itinatangi ng mga taong tulad nito ang ganitong kahalagang pagkakataon na pumasok sa mundo ng tao upang maranasan ang buhay ng tao at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at hindi nila natatanto kung gaano kahalaga para sa isang nilikhang tao na makatanggap ng personal na paggabay ng Lumikha. Kaya sinasabi Ko, sa mga taong nagnanais na agad na matapos ang gawain ng Diyos, sa mga nagnanais na sana ay isaayos na agad ng Diyos ang katapusan ng tao sa lalong madaling panahon upang makita na nila kaagad ang Kanyang persona at agad silang pagpalain sa lalong madaling panahon—ginagawa nila ang pinakamalubhang uri ng pagsuway at sukdulan ang kanilang kahangalan. Samantala, ang mga nagnanais, sa panahon ng kanilang limitadong oras, na maintindihan ang natatanging pagkakataong ito na malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ay ang marurunong sa mga tao at nagtataglay ng pinakamataas na talino. Ang dalawang magkaibang pagnanais na ito ay naglalantad ng dalawang lubhang magkaibang pananaw at pinagsisikapan: Ang mga naghahanap ng mga pagpapala ay makasarili at napakasama at wala silang ipinakikitang pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, hindi nila kailanman hinahangad na malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi sila kailanman naghahangad na magpasakop dito, ngunit nais lamang nilang mabuhay ayon sa kanilang kagustuhan. Sila ay masasamang taong walang pakialam at sila ang kategorya ng mga tao na mawawasak. Ang mga naghahangad na makilala ang Diyos ay nagagawang isantabi ang kanilang mga pagnanais, handang magpasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at mga pagsasaayos ng Diyos, at sinusubukan nilang maging mga uri ng tao na nagpapasakop sa awtoridad ng Diyos at isinasakatuparan ang hangarin ng Diyos. Ang ganoong mga tao ay nabubuhay sa liwanag at sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos, at tiyak na papupurihan sila ng Diyos. Ano man ang mangyari, ang pagpili ng tao ay walang silbi at ang mga tao ay walang masasabi kung gaano katagal ang gawain ng Diyos. Mas mabuti para sa mga tao na magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kung hindi ka magpapasakop sa Kanyang pagsasaayos, ano ang magagawa mo? Mawawalan ba ng kahit ano ang Diyos? Kung hindi ka magpapasakop sa Kanyang pagsasaayos, at sa halip ay sinusubukan mong maging tagapamuno, kung gayon ay gumagawa ka ng kahangalan, at sa huli ay tanging ikaw lamang ang mawawalan. Kung makikipagtulungan lamang ang mga tao sa Diyos sa lalong madaling panahon, kung magmamadali lamang silang tanggapin ang Kanyang mga pangangasiwa, alamin ang Kanyang awtoridad, at unawain ang lahat ng ginawa Niya para sa kanila, doon lamang sila magkakaroon ng pag-asa. Ito lamang ang paraan upang hindi sila mamuhay nang walang saysay at makamit nila ang kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 135
Walang Sinuman ang Maaaring Makapagpabago sa Katunayan na Taglay ng Diyos ang Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Tao
Sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, aktibo o pasibong tinatanggap ng bawat tao ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at ang Kanyang mga pagsasaayos, at kahit paano pa nakikibaka sa kurso ng kanyang sariling buhay ang tao, kahit gaano pa karami ang mga baluktot na daan na nilalakaran niya, sa huli ay babalik siya sa landas ng kapalaran na iginuhit ng Lumikha para sa kanya. Ito ang pagiging di-nagagapi ng awtoridad ng Lumikha at ang paraan kung saan ang Kanyang awtoridad ang nagkokontrol at namamahala sa sansinukob. Ang pagiging di-nagagaping ito, ang anyong ito ng pagkontrol at pamamahala ang may pananagutan sa mga batas na nagdidikta sa mga buhay ng lahat ng bagay, ang nagpapahintulot sa mga taong isilang muli’t muli nang walang panghihimasok, ang regular na nagpapaikot at nagpapasulong sa mundo, araw-araw, taun-taon. Nasaksihan ninyo ang lahat ng katunayang ito at nauunawaan ang mga ito, sa mababaw man o malalim na paraan, at ang lalim ng inyong pagkaunawa ay nakabatay sa inyong karanasan at kaalaman sa katotohanan, at sa inyong kaalaman sa Diyos. Kung gaano kahusay mong nalalaman ang realidad ng katotohanan, kung gaano mo naranasan ang mga salita ng Diyos, kung gaano kahusay na nalalaman ang diwa at disposisyon ng Diyos—ang lahat ng ito ay kumakatawan sa lalim ng iyong pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ang pag-iral ba ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ay nakabatay sa pagpapasakop ng mga tao sa mga ito? Ang katunayan ba na nag-aangkin ang Diyos ng awtoridad na ito ay tinutukoy ng pagpapasakop ng sangkatauhan dito? Umiiral ang awtoridad ng Diyos kahit ano pa ang mga kalagayan. Sa lahat ng sitwasyon, idinidikta at isinasaayos ng Diyos ang kapalaran ng bawat tao at ng lahat ng bagay ayon sa Kanyang mga iniisip at sa Kanyang mga ninanais. Hindi ito magbabago dahil nagbabago ang mga tao; ito ay hindi umaasa sa kalooban ng tao at hindi maaaring baguhin ng anumang pagbabago sa panahon, espasyo, at heograpiya, sapagkat ang awtoridad ng Diyos ay ang Kanyang pinakadiwa. Nalalaman at tinatanggap man ng tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o hindi, nagpapasakop man ang tao rito o hindi—hindi nito binabago nang kahit kaunti ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao. Ibig sabihin, kahit ano pa man ang saloobin ng tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nito maaaring basta na lang baguhin ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay. Kahit na hindi ka nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, Siya pa rin ang may hawak sa iyong kapalaran; kahit na hindi mo nalalaman ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, umiiral pa rin ang Kanyang awtoridad. Ang awtoridad ng Diyos at ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay hindi umaasa sa kalooban ng tao, at hindi nagbabago ayon sa mga kagustuhan at mga pinipili ng tao. Ang awtoridad ng Diyos ay nasa lahat ng dako, sa bawat oras, sa bawat sandali. Ang Langit at lupa ay lilipas, ngunit ang Kanyang awtoridad ay hindi kailanman lilipas, sapagkat Siya ay ang Diyos Mismo, Siya ang nag-aangkin ng natatanging awtoridad, at ang awtoridad Niya ay hindi nalalagyan ng hangganan o nalilimitahan ng mga tao, mga pangyayari, o mga bagay, ng espasyo o ng heograpiya. Sa lahat ng panahon, hawak ng Diyos ang Kanyang awtoridad, ipinakikita Niya ang Kanyang lakas, ipinagpapatuloy gaya ng dati ang Kanyang gawain ng pamamahala; sa lahat ng panahon ay pinamamahalaan Niya ang lahat ng bagay, naglalaan para sa lahat ng bagay, isinasaayos ang lahat ng bagay—gaya ng palagi Niyang ginagawa. Walang sinuman ang makapagpapabago rito. Ito ay totoo; ito ang hindi nagbabagong katotohanan mula pa noong unang panahon!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 136
Ang Wastong Saloobin at Pagsasagawa ng Isang Tao na Nagnanais Magpasakop sa Awtoridad ng Diyos
Anong saloobin ang dapat taglay ng tao sa pag-alam at pagsasaalang-alang ng awtoridad ng Diyos at ng katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao? Ito ay tunay na problema na nasa harap ng bawat tao. Kapag nahaharap sa mga problema sa tunay na buhay, paano mo dapat alamin at unawain ang awtoridad ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? Kapag naharap ka sa ganitong mga problema at hindi mo alam kung paano unawain, harapin, at danasin ang mga ito, anong saloobin ang dapat mong angkinin upang ipakita ang iyong intensyong magpasakop, ang iyong pagnanais na magpasakop, at ang realidad ng iyong pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Una, dapat mong matutuhan ang maghintay; sunod, dapat mong matutuhang maghanap; kasunod, dapat mong matutuhang magpasakop. Ang “paghihintay” ay nangangahulugan na paghihintay sa panahon ng Diyos, hinihintay ang mga tao, pangyayari, at bagay na Kanyang isinaayos para sa iyo, naghihintay sa Kanyang kalooban na unti-unting ibunyag sa iyo kung ano mismo ito. Ang ibig sabihin ng “paghahanap” ay pagmamasid at pag-unawa sa maalalahaning mga layunin ng Diyos para sa iyo sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na inilatag Niya, pag-unawa sa katotohanan sa pamamagitan ng mga ito, pag-unawa sa dapat maisagawa ng tao at mga paraang dapat nilang sundin, pag-unawa sa mga resulta na nais na makamtan ng Diyos sa mga tao at ano ang mga gusto Niyang magawa sa kanila. Ang “pagpapasakop,” mangyari pa, ay tumutukoy sa pagtanggap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos, pagtanggap sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at, sa pamamagitan nito, ay malaman kung paano idinidikta ng Lumikha ang kapalaran ng tao, kung paano Niya tinutustusan ang tao ng Kanyang buhay, kung paano Niya pinapagana ang katotohanan sa tao. Lahat ng bagay sa ilalim ng mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay sumusunod sa natural na mga batas, at kung pagpasyahan mo na hayaan ang Diyos na isaayos at diktahan ang lahat para sa iyo, dapat mong matutuhan ang maghintay, dapat mong matutuhan ang maghanap, at dapat mong matutuhan ang magpasakop. Ito ang saloobin na dapat magkaroon ang bawat tao na nagnanais magpasakop sa awtoridad ng Diyos, ang pangunahing katangian na dapat taglayin ng bawat tao na nagnanais tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Upang magkaroon ng ganoong saloobin at para magkaroon ng ganoong katangian, dapat ay lalo kang magpunyagi. Ito ang tanging paraan para makapasok sa tunay na realidad.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 137
Ang Pagtanggap sa Diyos Bilang Iyong Natatanging Panginoon ang Unang Hakbang sa Pagtamo ng Kaligtasan
Ang mga katotohanan tungkol sa awtoridad ng Diyos ay mga katotohanan na dapat seryosong isaalang-alang ng bawat tao, na dapat maranasan at maunawaan sa kanilang puso; sapagkat ang mga katotohanang ito ay may kinalaman sa buhay ng bawat tao; sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap ng bawat tao; sa mahahalagang sugpungan na dapat pagdaanan ng bawat tao sa buhay; sa kaalaman ng tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa saloobin na dapat niyang taglayin sa pagharap sa awtoridad ng Diyos; at siyempre, sa huling hantungan ng bawat tao. Kaya kinakailangan ng isang habambuhay na halaga ng enerhiya upang malaman at maunawaan ang mga ito. Kapag sineryoso mo ang awtoridad ng Diyos, kapag tinanggap mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, unti-unti mong matatanto at mauunawaan na ang awtoridad ng Diyos ay tunay na umiiral. Ngunit kung hindi mo kailanman kinilala ang awtoridad ng Diyos at hindi kailanman tinanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, kung gayon kahit ilang taon ka pang mabuhay, hindi ka magtatamo ng kahit bahagyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi mo tunay na nakikilala at nauunawaan ang awtoridad ng Diyos, kung gayon kapag nakarating ka sa dulo ng daan, kahit na naniwala ka na sa Diyos nang maraming dekada, wala kang maipapakita sa iyong buhay, at tiyak na wala ka ni pinakamaliit na kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao. Hindi ba’t ito ay isang napakalungkot na bagay? Kaya kahit gaano pa kalayo ang nalakbay mo sa buhay, kahit gaano ka pa katanda ngayon, kahit gaano pa katagal ang natitira sa iyong paglalakbay, dapat mo munang kilalanin ang awtoridad ng Diyos at seryosohin ito, at tanggapin ang katunayan na ang Diyos ang iyong natatanging Panginoon. Ang makatamo ng malinaw at tamang kaalaman at pagkaunawa sa mga katotohanang ito tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay isang sapilitang leksyon para sa lahat; ito ang susi sa pag-alam sa buhay ng tao at pagtamo sa katotohanan. Ganito ang buhay ng pagkilala sa Diyos, ang pangunahing kurso ng pag-aaral nito, na dapat harapin ng bawat isa bawat araw, at hindi maiiwasan ninuman. Kung may isa sa inyo na nais tahakin ang pinakamadaling daan upang makarating sa layuning ito, kung gayon ay sinasabi Ko sa iyo, imposible iyon! Kung nais mong takasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas lalong imposible iyon! Ang Diyos lamang ang tanging Panginoon ng tao, ang Diyos lamang ang tanging Panginoon ng kapalaran ng tao, kaya imposible para sa tao na diktahan ang sarili niyang kapalaran at imposible para sa kanya na humakbang palayo rito. Kahit gaano pa kagaling ang mga kakayahan ng tao, hindi niya maaaring maimpluwensyahan—lalong hindi niya mapangangasiwaan, maisasaayos, makokontrol, o mababago—ang mga kapalaran ng iba. Ang mismong natatanging Diyos lamang ang nagdidikta ng lahat ng bagay para sa tao. Sapagkat ang natatanging Diyos Mismo lamang ang nagtataglay ng natatanging awtoridad na may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, tanging ang Lumikha ang natatanging Panginoon ng tao. Ang awtoridad ng Diyos ang may tangan sa kataas-taasang kapangyarihan hindi lamang sa ibabaw ng nilikhang sangkatauhan, ngunit maging sa mga di-nilalang na hindi nakikita ng tao, sa mga bituin, sa kosmos. Ito ay isang hindi mapapabulaanang katunayan, isang katunayan na tunay na umiiral, na hindi maaaring mabago ninuman o ng anuman. Kung may isa sa inyo ang hindi pa rin nasisiyahan sa mga bagay sa kasalukuyan, naniniwala na ikaw ay may ilang espesyal na kasanayan o kakayahan, at iniisip pa rin na kapag dinapuan ka ng suwerte ay mababago mo ang iyong kasalukuyang mga kalagayan o di-kaya ay matakasan ang mga ito; kung pagtatangkaan mong baguhin ang iyong sariling kapalaran sa mga paraan ng pagpupunyagi ng tao, at nang sa gayon ay mamukod-tangi sa iba at magtamo ng katanyagan at kapakinabangan; kung gayon ay sinasabi Ko sa iyo, ginagawa mong mas mahirap ang mga bagay para sa iyong sarili, naghahanap ka lamang ng gulo at hinuhukay mo ang iyong sariling libingan! Isang araw, sa malao’t madali, matutuklasan mo na mali ang pinili mo, na nasayang ang iyong mga pagpupunyagi. Ang iyong ambisyon, ang iyong pagnanais na makipagbuno laban sa kapalaran, at ang iyong sariling kasuklam-suklam na pag-uugali, ang magdadala sa iyo sa walang pabalik na daan, at dahil dito ay magbabayad ka ng mapait na halaga. Bagaman sa kasalukuyan ay hindi mo nakikita ang kalubhaan ng kahihinatnan, habang iyong nararanasan at mas malalim na pinapahalagahan ang katotohanan na ang Diyos ang Panginoon ng kapalaran ng tao, unti-unti mong matatanto kung ano ang Aking sinasabi ngayon at ang tunay na mga implikasyon nito. Kung tunay mang mayroon kang puso at espiritu, kung ikaw man ay isang tao na nagmamahal sa katotohanan, ay nakasalalay sa uri ng saloobing mayroon ka tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at tungkol sa katotohanan. At natural, ito ang tumutukoy kung maaari mong tunay na malaman at maunawaan ang awtoridad ng Diyos. Kung hindi mo pa kailanman naramdaman sa iyong buhay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang mga pagsasaayos, lalo na ang kilalanin at tanggapin ang awtoridad ng Diyos, kung gayon ikaw ay magiging lubos na walang halaga, at walang duda na ikaw ay kamumuhian at tatanggihan ng Diyos, dahil sa landas na iyong tinahak at sa pagpiling ginawa mo. Subalit sa gawain ng Diyos, ang mga kayang tanggapin ang Kanyang pagsubok, tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, magpasakop sa Kanyang awtoridad, at unti-unting magkamit ng tunay na karanasan sa Kanyang mga salita, ay makapagkakamit ng tunay na kaalaman sa awtoridad ng Diyos, tunay na pagkaunawa sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; sila ay totoong makakapagpasailalim sa Lumikha. Tanging ang ganoong mga tao ang talagang maliligtas. Sapagkat kanilang nakilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sapagkat tinanggap nila ito, tunay at tumpak ang kanilang pagpapahalaga at pagpapasakop sa katotohanan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao. Kapag sila ay naharap sa kamatayan, tulad ni Job, magkakaroon sila ng kaisipan na hindi natatakot sa kamatayan, at magpapasakop sila sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos sa lahat ng bagay, na walang indibidwal na pagpili, na walang indibidwal na pagnanais. Tanging ang ganoong tao ang makakabalik sa tabi ng Lumikha bilang isang tunay na nilalang na tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 138
Ang Utos ng Diyos na si Jehova sa Tao
Genesis 2:15–17 At kinuha ng Diyos na si Jehova ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden, upang Kanyang alagaan at ingatan. At iniutos ng Diyos na si Jehova sa lalaki, na sinabi, “Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.”
Ang Pagtukso ng Ahas sa Babae
Genesis 3:1–5 Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Diyos na si Jehova. At sinabi niya sa babae, “Tunay bang sinabi ng Diyos, ‘Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?’” At sinabi ng babae sa ahas, “Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: Datapuwat sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Diyos, ‘Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo’y mamatay.’” At sinabi ng ahas sa babae, “Maaaring hindi ka talaga mamamatay: Sapagkat talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”
Ang dalawang siping ito ay hango sa aklat ng Genesis sa Bibliya. Pamilyar ba kayong lahat sa dalawang siping ito? Nagsasalaysay ang mga ito ng mga pangyayaring naganap sa pasimula nang ang sangkatauhan ay unang nilikha; totoo ang mga pangyayaring ito. Tingnan muna natin kung anong uri ng utos ang ibinigay ng Diyos na si Jehova kina Adan at Eba; napakahalaga ng nilalaman ng utos na ito para sa ating paksa ngayon. “At iniutos ng Diyos na si Jehova sa lalaki, na sinabi, ‘Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.’” Ano ang halaga ng utos ng Diyos sa tao sa siping ito? Una, sinasabi ng Diyos sa tao kung ano ang maaari niyang kainin, gaya ng mga bunga ng maraming uri ng puno. Walang panganib at walang lason; ang lahat ay maaaring kainin at malayang makakain hangga’t nais ng tao, nang walang pag-aalala at pag-aalinlangan. Ito ay isang bahagi ng utos ng Diyos. Ang isa pang bahagi ay isang babala. Sa babalang ito, sinasabi ng Diyos sa tao na hindi niya dapat kainin ang bunga mula sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ano ang mangyayari kapag kumain siya mula sa punong ito? Sinabi ng Diyos sa tao: Kung kumain ka mula rito, tiyak na mamamatay ka. Hindi ba’t tapat ang mga salitang ito? Kung sinabi ito ng Diyos sa iyo subalit hindi mo naunawaan kung bakit, ituturing mo ba ang Kanyang mga salita bilang isang alituntunin o isang utos na dapat sundin? Dapat sundin ang gayong mga salita. Subalit magawa mang sumunod o hindi ng tao, ang mga salita ng Diyos ay walang pag-aalinlangan. Buong-linaw na sinabi ng Diyos sa tao kung ano ang maaari niyang kainin at kung ano ang hindi niya maaaring kainin, at kung ano ang mangyayari kung kakainin niya ang hindi niya dapat kainin. May nakikita ka bang anumang disposisyon ng Diyos sa maiikling salitang winika ng Diyos? Totoo ba ang mga salitang ito ng Diyos? Mayroon bang anumang panlilinlang? Mayroon bang anumang kabulaanan? Mayroon bang anumang pananakot? (Wala.) Matapat, makatotohanan at taos-pusong sinabi ng Diyos sa tao kung ano ang maaari niyang kainin at kung ano ang hindi niya maaaring kainin. Malinaw at payak na nagsalita ang Diyos. May natatago bang kahulugan sa mga salitang ito? Hindi ba tapat ang mga salitang ito? Kinakailangan bang maghaka-haka? Hindi na kailangang manghula. Sa isang sulyap ay litaw na litaw ang kahulugan ng mga ito. Sa pagbasa sa mga ito, lubos na malilinawan ang sinuman sa kahulugan ng mga ito. Ibig sabihin, ang nais na sabihin ng Diyos at ang nais Niyang ipahayag ay nagmumula sa Kanyang puso. Ang mga bagay na ipinahahayag ng Diyos ay malinis, tapat at malinaw. Walang mga lingid na layunin o anumang natatagong mga kahulugan. Tuwiran Siyang nagsasalita sa tao, sinasabi sa kanya kung ano ang maaari niyang kainin at kung ano ang hindi niya maaaring kainin. Na ang ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga salitang ito ng Diyos, makikita ng tao na walang itinatago at totoo ang puso ng Diyos. Walang bahid ng kasinungalingan dito; hindi ito isang usapin ng pagsasabi sa iyo ng hindi mo maaaring kainin ang maaaring kainin, o pagsasabi sa iyong “Gawin ito at tingnan kung ano ang mangyayari” sa mga bagay na hindi mo maaaring kainin. Hindi ito ang ibig sabihin ng Diyos. Anuman ang iniisip ng Diyos sa Kanyang puso ay siyang Kanyang sinasabi. Kung sinasabi Ko na banal ang Diyos sapagkat ipinakikita at inihahayag Niya ang Kanyang Sarili sa loob ng mga salitang ito sa ganitong paraan, maaari mong maramdaman na tila pinalalaki Ko ang hindi naman dapat palakihin o pinalalawak Ko nang labis ang Aking ibig sabihin. Kung gayon, huwag mag-aalala; hindi pa tayo tapos.
Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa “Ang Pagtukso ng Ahas sa Babae.” Sino ang ahas? Si Satanas. Ginagampanan nito ang papel ng panghambingan sa anim na libong taon na plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ay isang papel na dapat banggitin kapag ibinabahagi natin ang tungkol sa kabanalan ng Diyos. Bakit Ko sinasabi ito? Kung hindi mo alam ang kasamaan at katiwalian ni Satanas o ang kalikasan ni Satanas, wala kang paraan kung gayon na makilala ang kabanalan, ni hindi mo malalaman kung ano ba talaga ang kabanalan. Sa kalituhan, naniniwala ang mga tao na ang ginagawa ni Satanas ay tama, sapagkat namumuhay sila na may ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Kung walang mapaghahambingan, kung walang mapagkukumparahan, hindi mo malalaman kung ano ang kabanalan. Kaya nga kailangang banggitin si Satanas dito. May kabuluhan ang pagbanggit niyon. Sa pamamagitan ng mga salita at mga gawa ni Satanas, ating makikita kung paano kumikilos si Satanas, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at kung ano ang kalikasan at hitsura ni Satanas. Kaya ano ang sinabi ng babae sa ahas? Isinalaysay ng babae sa ahas kung ano ang sinabi ng Diyos na si Jehova sa kanya. Nang sinabi niya ang mga salitang ito, nakatitiyak ba siya na ang sinabi sa kanya ng Diyos ay totoo? Hindi niya matitiyak ito. Bilang isang taong kalilikha pa lamang, wala siyang kakayahan na makilala ang kaibahan ng masama sa mabuti, ni wala siyang kahit anong pagkakilala sa anumang nasa kanyang paligid. Kung pagbabatayan ang mga salitang binigkas niya sa ahas, hindi siya nakatitiyak sa kanyang puso kung tama ang mga salita ng Diyos; ito ang kanyang saloobin. Kaya nang makita ng ahas na ang babae ay walang tiyak na saloobin ukol sa mga salita ng Diyos, sinabi nito: “Maaaring hindi ka talaga mamamatay: Sapagkat talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Mayroon bang anumang mali sa mga salitang ito? Pagkabasa ninyo sa pangungusap na ito, nadama ba ninyo ang mga intensyon ng ahas? Ano ang mga intensyong iyon? Nais nito na tuksuhin ang babaeng ito upang pigilan siyang sundin ang mga salita ng Diyos. Ngunit hindi nito sinabi nang tuwiran ang mga bagay na ito. Kaya masasabi natin na ito ay napakatuso. Ipinapahayag nito ang kanyang kahulugan sa isang palihim at hindi tuwirang paraan upang makamit ang hinahangad nitong layunin na nakatago sa isipan nito at lingid sa tao—ito ang katusuhan ng ahas. Ganito na magsalita at kumilos si Satanas noon pa man. Sinasabi nito na “maaaring hindi talaga,” nang walang anumang pinapatunayan. Subalit sa pagkarinig nito, ang mangmang na puso ng babaeng ito ay naantig. Nalugod ang ahas sapagkat nakamit ng mga salita nito ang hinahangad na epekto—ito ang tusong intensyon ng ahas. Bukod pa rito, sa pamamagitan ng pangangako ng isang kalalabasan na tila kanais-nais sa mga tao, sinulsulan siya nito na sinasabing, “Sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata.” Kaya inisip niya: “Ang mabuksan ang aking mga mata ay isang mabuting bagay!” At pagkatapos ay nagsabi ito ng isang bagay na mas nakakaakit, mga salitang hindi pa kailanman nakilala ng tao, mga salitang nagtataglay ng malaking kapangyarihan ng tukso sa mga nakakarinig ng mga ito: “Kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Ang mga salita bang ito ay hindi talagang nakakatukso sa tao? Ito ay parang isang tao na nagsasabi sa iyo: “Ang hugis ng iyong mukha ay kamangha-mangha. May pagkapango nga lang ang iyong ilong, subalit kung mapapaayos mo iyan, ikaw ay magiging isa sa pinakamagaganda sa buong mundo!” Para sa sinuman na hindi nagnais kailanman na magkaroon ng kosmetikong operasyon, mapupukaw kaya ang puso niya kapag narinig ang mga salitang ito? Ang mga salita bang ito ay mapanukso? Ang panunulsol bang ito ay nakakatukso sa iyo? Panunubok ba ito? (Oo.) Ang Diyos ba ay nagsasabi ng mga bagay na ganito? Mayroon bang anumang pahiwatig na tulad nito sa mga salita ng Diyos na kababasa pa lang natin nang mabuti? Ang Diyos ba ay nagsasabi ng kung ano ang iniisip Niya sa Kanyang puso? Makikita ba ng tao ang puso ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita? (Oo.) Subalit nang ang ahas ang nagsabi ng mga salitang iyon sa babae, nakita mo ba ang puso nito? Hindi. At dahil sa kamangmangan ng tao, ang tao ay madaling natukso ng mga salita ng ahas at madaling nalinlang. Nakita mo ba ang mga intensyon ni Satanas? Nakita mo ba ang layunin sa likod ng sinabi ni Satanas? Nakita mo ba ang mga balak at panlilinlang ni Satanas? (Hindi.) Anong uri ng disposisyon ang kinakatawan ng paraan ng pananalita ni Satanas? Anong uri ng diwa ang nakita mo kay Satanas sa pamamagitan ng mga salitang ito? Ito ba ay lihim na mapanira? Marahil sa panlabas ito ay nakangiti sa iyo o hindi naghahayag ng kahit ano pa mang pagpapahayag. Subalit sa puso nito, kinakalkula nito kung paano makakamit ang layunin nito, at ang layuning ito ang hindi mo makita. Ang lahat ng pangako na ibinibigay nito sa iyo, ang lahat ng kapakinabangan na inilalarawan nito ay mga balatkayong panunukso. Nakikita mo na mabubuti ang mga bagay na ito, kaya nararamdaman mo na ang sinasabi nito ay mas kapaki-pakinabang at mas matibay kaysa sa sinasabi ng Diyos. Kapag nangyayari ito, ang tao ba kung gayon ay hindi nagiging isang sunud-sunurang bilanggo? Ang paraan bang ito na ginagamit ni Satanas ay hindi ubod nang sama? Hinahayaan mo ang sarili mo na lumubog nang husto. Nang walang anumang ginagawa si Satanas bukod sa pagsasalita lamang ng dalawang pangungusap na ito, masaya kang sumunod kay Satanas at tumalima kay Satanas. Samakatwid, ang layunin ni Satanas ay naabot. Ang intensyon bang ito ay hindi masama? Hindi ba ito ang pinakapangunahing mukha ni Satanas? Mula sa mga salita ni Satanas, makikita ng tao ang masasamang layunin nito, mamamasdan ang nakakasindak na mukha nito at matatanaw ang diwa nito. Hindi ba tama iyon? Sa paghahambing sa mga pangungusap na ito, nang walang pagsusuri ay maaaring mararamdaman mo na bagamat ang mga salita ng Diyos na si Jehova ay nakababagot, karaniwan at palasak, ang mga ito ay hindi nagbibigay-katwiran sa labis na marubdob na pagpuri sa katapatan ng Diyos. Gayunman, kapag tinatanggap natin ang mga salita ni Satanas at ang nakakatakot na mukha ni Satanas bilang mapaghahambingan, hindi ba’t may kahalagahan ang mga salitang ito ng Diyos sa mga tao sa kasalukuyan? (Oo.) Sa pamamagitan ng paghahambing na ito, madadama ng tao ang dalisay na pagiging walang bahid-dungis ng Diyos. Bawat salita na winiwika ni Satanas at ang mga layunin, intensyon at paraan ng pagsasalita ni Satanas—lahat ng ito ay hindi dalisay. Ano ang pangunahing itinatampok ng paraan ng pagsasalita ni Satanas? Gumagamit si Satanas ng paliguy-ligoy na mga salita upang tuksuhin ka nang hindi mo nakikita ang pag-uulit-ulit nito, ni hindi ka hinahayaan nitong makilala ang layunin nito; Pinakakagat ka ni Satanas sa pain, pero kailangan mo ring purihin at awitin ang mga kabutihan nito. Hindi ba ganito ang paraan ng mga pakanang palagian nang pinipili ni Satanas? (Oo.)
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 139
Ang Pag-uusap ni Satanas at ng Diyos na si Jehova (Mga piling sipi)
Job 1:6–11 Isang araw nga nang ang mga anak ng Diyos ay magsiparoon upang magsiharap kay Jehova, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila. At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.” At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?” Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi Mo ba siya ikinulong, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan Mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin Mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain Ka niya ng mukhaan.”
Job 2:1–5 Nangyari uli na sa araw nang pagparoon ng mga anak ng Diyos upang magsiharap kay Jehova, na nakiparoon din si Satanas, upang humarap kay Jehova. At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon. At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan? At siya’y namamalagi sa kanyang integridad, bagaman Ako’y kinilos mo laban sa kanya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.” At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, “Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Ngunit pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at kanyang susumpain Ka ng mukhaan.”
Ang buong dalawang siping ito ay naglalaman ng pag-uusap ng Diyos at ni Satanas, nakatala sa mga ito kung ano ang sinabi ng Diyos at kung ano ang sinabi ni Satanas. Hindi masyadong nagsalita ang Diyos, at napakapayak ng Kanyang pagsasalita. Makikita ba natin ang kabanalan ng Diyos sa Kanyang simpleng mga salita? May ilan na magsasabing hindi ito madaling gawin. Kaya makikita ba natin ang pagiging ubod ng sama ni Satanas sa mga tugon nito? Tingnan muna natin kung anong uri ng tanong ang itinanong ng Diyos na si Jehova kay Satanas. “Saan ka nanggaling?” Hindi ba’t ito’y diretsahang tanong? Mayroon bang natatagong kahulugan? Wala; ito ay isang diretsahang tanong lamang. Kung tatanungin Ko kayo: “Saan ka nanggaling?” paano kayo sasagot? Ito ba’y isang tanong na mahirap sagutin? Sasabihin ba ninyong: “Sa pagpaparoo’t parito, at sa pagmamanhik manaog”? (Hindi.) Hindi kayo sasagot ng ganito, kaya ano ang nararamdaman ninyo kapag nakikita ninyo si Satanas na sumasagot sa ganitong paraan? (Nararamdaman natin na si Satanas ay kakatwa ngunit mapanlinlang rin.) Masasabi ba ninyo kung ano ang nararamdaman Ko? Sa tuwing nakikita Ko ang mga salitang ito ni Satanas, naiinis Ako, sapagkat nagsasalita si Satanas ngunit walang anumang kabuluhan ang sinasabi nito. Sinagot ba ni Satanas ang tanong ng Diyos? Hindi, ang mga salitang sinabi ni Satanas ay hindi isang kasagutan at walang anumang kinahantungan ang mga ito. Ang mga iyon ay hindi kasagutan sa katanungan ng Diyos. “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.” Ano ang nauunawaan mo sa mga salitang ito? Saan ba talaga nanggaling si Satanas? Nakatanggap ka ba ng kasagutan sa tanong na ito? (Hindi.) Ganito “kadalubhasa” sa pagkatuso si Satanas—hindi hinahayaan ang sinuman na matuklasan kung ano talaga ang sinasabi nito. Pagkadinig sa mga salitang ito hindi mo pa rin mababatid kung ano ang sinabi nito, kahit na tapos na itong sumagot. Gayunman naniniwala si Satanas na perpekto ang naging sagot nito. Ano kung gayon ang iyong nararamdaman? Naiinis ka ba? (Oo.) Nagsisimula ka ngayong makaramdam ng inis sa mga salitang ito. Mayroong partikular na katangian ang mga salita ni Satanas: Ang sinasabi ni Satanas ay iiwanan kang napapakamot sa iyong ulo at hindi maunawaan ang pinagmumulan ng mga salita nito. Kung minsan, may mga motibo si Satanas at sinasadya ang sinasabi, at kung minsan pinangingibabawan ng kalikasan nito, na ang gayong mga salita ay kusang lumalabas, at namumutawi mismo sa bibig ni Satanas. Hindi gumugugol si Satanas nang mahabang panahon sa pagsasaalang-alang sa gayong mga salita; bagkus, inihahayag ang mga ito nang hindi pinag-iisipan. Nang tanungin ng Diyos kung saan ito nanggaling, sumagot si Satanas gamit ang ilang hindi malinaw na salita. Makakaramdam ka ng sobrang pagkalito na hindi mo kailanman malalaman nang eksakto kung saan nagmula si Satanas. Mayroon ba sa inyo na nangungusap ng tulad nito? Anong uri ng paraan ng pagsasalita ang ganito? (Ito ay hindi maliwanag at hindi nagbibigay ng isang tiyak na sagot.) Anong uri ng mga salita ang dapat nating gamitin upang ilarawan ang ganitong paraan ng pananalita? Ito ay nakapagliligaw at mapanlinlang. Ipagpalagay na ayaw ipaalam sa iba ng isang tao kung ano ang ginawa niya kahapon. Tinatanong mo siya: “Nakita kita kahapon. Saan ang punta mo?” Hindi niya sinabi sa iyo nang diretso kung saan siya nagpunta. Bagkus ay sinabi niya: “Maraming nangyari kahapon. Nakakapagod!” Sinagot ba niya ang tanong mo? Oo sinagot niya, ngunit hindi iyon ang sagot na nais mo. Ito ang “pagkadalubhasa” sa panlilinlang na nasa pananalita ng tao. Hindi mo kailanman matutuklasan kung ano ang ibig niyang sabihin o maiintindihan ang pinagmulan o intensyon sa likod ng kanyang mga salita. Hindi mo alam kung ano ang kanyang sinusubukang iwasan sapagkat may sarili siyang kuwento sa puso niya—ito ay panlilinlang. Mayroon ba sa inyo na madalas ding magsalita sa ganitong paraan? (Oo.) Ano kung gayon ang inyong layunin? Kung minsan ba ay upang protektahan ang inyong sariling mga kapakanan, minsan upang panatilihin ang inyong pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at imahe, upang protektahan ang mga lihim ng inyong pribadong buhay? Anuman ang layon, hindi ito maihihiwalay sa inyong mga pakinabang at may kinalaman sa inyong mga kapakanan. Hindi ba ito ang kalikasan ng tao? Ang lahat ng may gayong kalikasan ay may malapit na ugnayan kay Satanas, kung hindi nama’y pamilya nito. Maaari natin itong sabihin na ganito nga, hindi ba? Sa pangkalahatan, ang ganitong pagpapamalas ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam. Naiinis na din kayo ngayon, hindi ba? (Oo.)
Tingnan natin ang mga sumusunod na talata. Tumugon muli si Satanas sa tanong ni Jehova, nagsasabing: “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos?” Sinisimulan ni Satanas na tuligsain ang pagsuri ni Jehova kay Job, at ang pagtuligsang ito ay may halong poot. “Hindi Mo ba siya ikinulong, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako?” Ito ang pagkaunawa at pagsuri ni Satanas sa gawain ni Jehova kay Job. Sinusuri ito ni Satanas sa ganitong paraan, sinasabing: “Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan Mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin Mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain Ka niya ng mukhaan.” Si Satanas ay palaging nagsasalita nang hindi maliwanag, subalit nagsasalita ito nang may katiyakan dito. Gayunpaman, ang mga salitang ito, bagamat sinambit nang may katiyakan, ay isang pagtuligsa, isang kalapastanganan at isang pakikipagtunggali sa Diyos na si Jehova, at sa Diyos Mismo. Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ang mga salitang ito? Nakakaramdam ba kayo ng pag-ayaw? Nakikita ba ninyo ang mga intensiyon ni Satanas? Una sa lahat, itinatatwa ni Satanas ang pagsusuri ni Jehova kay Job—isang tao na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Pagkatapos ay itinatatwa ni Satanas ang lahat ng sinasabi at ginagawa ni Job, iyon ay, itinatatwa nito ang takot niya kay Jehova. Ito ba ay nagpaparatang? Pinaparatangan, itinatatwa, at pinagdududahan ni Satanas ang lahat ng ginagawa at sinasabi ni Jehova. Hindi ito naniniwala, nagsasabing, “Kung sinasabi Mo na ang mga bagay ay kagaya nito, kung gayon, bakit hindi ko pa ito nakikita? Binigyan Mo siya ng napakaraming biyaya, paanong hindi siya matatakot sa Iyo?” Hindi ba ito pagtatwa sa lahat ng ginagawa ng Diyos? Pagpaparatang, pagtatatwa, paglapastangan—hindi ba pag-atake ang mga salita ni Satanas? Hindi ba tunay na pagpapahayag ang mga ito ng kung ano ang iniisip ni Satanas sa puso nito? Ang mga salitang ito ay tiyak na hindi katulad ng mga salitang kababasa lang natin ngayon: “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.” Ganap na magkaiba ang dalawang ito. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ganap na inilalantad ni Satanas ang mga nilalaman ng puso nito—ang saloobin nito sa Diyos at ang pagkamuhi nito sa takot ni Job sa Diyos. Kapag nangyayari ito, ang pagkamalisyoso at ang masamang kalikasan nito ay ganap na nailalantad. Kinamumuhian nito ang mga may takot sa Diyos, kinamumuhian ang mga lumalayo sa masama, at lalo pang kinamumuhian si Jehova sa pagkakaloob ng mga pagpapala sa tao. Nais nitong gamitin ang pagkakataong ito upang sirain si Job na iniangat ng Diyos gamit ang sarili Niyang kamay, upang wasakin siya, nagsasabing: “Sinasabi Mo na may takot sa Iyo si Job at lumalayo siya sa masama. Kabaligtaran ang nakikita ko.” Ginagamit nito ang iba’t ibang paraan upang udyukan at tuksuhin si Jehova, at gumagamit ng iba’t ibang mapanlinlang na pakana upang ibigay ng Diyos na si Jehova si Job kay Satanas upang walang-pakundangang mamanipula ito, mapinsala at matrato sa maling paraan. Nais nitong samantalahin ang pagkakataong ito upang puksain ang taong ito na matuwid at perpekto sa mga mata ng Diyos. Panandaliang kapusukan lamang ba ang nagdulot kay Satanas ng ganitong uri ng puso? Hindi, hindi ganoon. Matagal na panahon nang nagsimula ito. Kapag ang Diyos ay gumagawa, nagmamalasakit sa isang tao, at nagmamasid sa taong ito, at kapag pinapaboran at sinasang-ayunan Niya ang taong ito, nakabuntot din nang malapitan si Satanas, tinatangkang linlangin ang taong ito at ilagay sa kapahamakan. Kung nais ng Diyos na makamit ang taong ito, gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang hadlangan ang Diyos, gamit ang iba’t ibang masasamang kaparaanan upang tuksuhin, guluhin at pinsalain ang gawain ng Diyos, upang makamit ang natatagong layon nito. Ano ang layon nito? Ayaw nito na makamit ng Diyos ang sinuman; nais nitong agawin ang pagmamay-ari sa mga taong nais makamit ng Diyos, gusto nitong kontrolin sila, ang pangasiwaan sila upang sambahin nila ito nang sa gayon ay samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan, at labanan ang Diyos. Hindi ba ito ang masamang layunin ni Satanas? Madalas ninyong sabihin na si Satanas ay napakabuktot, napakasama, subalit nakita na ba ninyo ito? Nakikita ninyo kung gaano kasama ang sangkatauhan; hindi pa ninyo nakikita kung gaano kasama ang totoong Satanas. Subalit sa usapin tungkol kay Job, malinaw ninyong naobserbahan kung gaano talaga kasama si Satanas. Ginawang napakaliwanag ng usaping ito ang nakasusuklam na mukha ni Satanas at ang diwa nito. Sa pakikipagdigma sa Diyos at pagsunud-sunod sa likuran Niya, ang layunin ni Satanas ay ang buwagin ang lahat ng gawain na nais gawin ng Diyos, ang sakupin at kontrolin ang mga nais na makuha ng Diyos, ang ganap na puksain ang mga nais na makuha ng Diyos. Kung hindi sila mapupuksa, sila kung gayon ay aangkinin ni Satanas upang magamit nito—ito ang layunin nito. At ano ang ginagawa ng Diyos? Ang Diyos ay nagsasabi lamang ng isang simpleng pangungusap sa siping ito; walang talaan ng anumang higit pa sa ginagawa ng Diyos, ngunit nakikita natin na mas marami pang mga talaan ng kung ano ang ginagawa at sinasabi ni Satanas. Sa sumusunod na sipi mula sa kasulatan, tinanong ni Jehova si Satanas, “Saan ka nanggaling?” Ano ang sagot ni Satanas? (Ito pa rin ay “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.”) Ito pa rin ang pangungusap na iyon. Ito ay naging kasabihan at tatak ni Satanas. Paano ito nangyari? Hindi ba kasuklam-suklam si Satanas? Ang pagsasabi ng ganitong nakakainis na pangungusap nang isang beses ay tiyak na sapat na. Bakit lagi itong inuulit ni Satanas? Pinatutunayan nito ang isang bagay: Ang kalikasan ni Satanas ay hindi nagbabago. Hindi maaaring magpanggap si Satanas para itago ang pangit na mukha nito. Tinatanong ito ng Diyos at sumasagot ito sa ganitong paraan. Yamang ganito ang nangyayari, isipin kung paano nito tinatrato ang mga tao! Hindi natatakot si Satanas sa Diyos, wala itong takot sa Diyos, at hindi ito sumusunod sa Diyos. Kaya nangangahas ito na maging walang-prinsipyong pangahas sa harap ng Diyos, para gamitin ang kaparehong mga salitang ito upang isantabi ang tanong ng Diyos, para gamitin ang kaparehong sagot na ito sa tanong ng Diyos, para magtangkang gamitin ang kaparehong sagot na ito upang lituhin ang Diyos—ito ang pangit na mukha ni Satanas. Hindi ito naniniwala sa pagkamakapangyarihan sa lahat ng Diyos, hindi ito naniniwala sa awtoridad ng Diyos, at tiyak na hindi nakahandang magpasakop sa kapamahalaan ng Diyos. Palagi nitong sinasalungat ang Diyos, palaging tinutuligsa ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at tinatangkang gibain ang lahat ng ginagawa ng Diyos—ito ang masamang layunin nito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 140
Ang Pag-uusap ni Satanas at ng Diyos na si Jehova (Mga piling sipi)
Job 1:6–11 Isang araw nga nang ang mga anak ng Diyos ay magsiparoon upang magsiharap kay Jehova, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila. At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.” At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?” Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi Mo ba siya ikinulong, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan Mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin Mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain Ka niya ng mukhaan.”
Job 2:1–5 Nangyari uli na sa araw nang pagparoon ng mga anak ng Diyos upang magsiharap kay Jehova, na nakiparoon din si Satanas, upang humarap kay Jehova. At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon. At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan? At siya’y namamalagi sa kanyang integridad, bagaman Ako’y kinilos mo laban sa kanya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.” At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, “Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Ngunit pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at kanyang susumpain Ka ng mukhaan.”
Tulad ng nakatala sa Aklat ni Job, ang dalawang siping ito na sinabi ni Satanas at ang mga bagay na ginawa ni Satanas ay kumakatawan sa paglaban nito sa Diyos sa Kanyang anim na libong taon na plano ng pamamahala—nabubunyag rito ang tunay na kulay ni Satanas. Nakita mo na ba ang mga salita at mga gawa ni Satanas sa totoong buhay? Kapag nakita mo ang mga iyon, maaaring hindi mo maiisip na ang mga iyon ay mga bagay na winika ni Satanas, sa halip ay iisipin mo na ang mga iyon ay mga bagay na winika ng tao. Ano ang kinakatawan kapag ang mga ganoong bagay ay winika ng tao? Si Satanas ang kinakatawan. Kahit na nakikilala mo ito, hindi mo pa rin maiisip na ito talaga ang winika ni Satanas. Subalit ngayon mismo maliwanag na nakita mo kung ano ang sinabi mismo ni Satanas. Ikaw ngayon ay mayroong isang maliwanag at napakalinaw na pagkaunawa sa nakakasuklam na mukha at kasamaan ni Satanas. Kung gayon, ang dalawang sipi bang ito na winika ni Satanas ay mahalaga para sa mga tao ngayon upang malaman ang kalikasan ni Satanas? Dapat bang maingat na tandaan ang dalawang siping ito upang makilala ng kasalukuyang sangkatauhan ang nakakasuklam na mukha ni Satanas, upang makilala ang orihinal at tunay na mukha ni Satanas? Bagaman ang pagsasabi nito ay tila hindi angkop, ang pagpapahayag ng mga salitang ito sa ganitong paraan ay maituturing pa ring tumpak. Tunay na maipapaliwanag Ko lamang ang ideyang ito sa ganitong paraan, at kung kaya ninyong maunawaan ito, kung gayon ay sapat na iyon. Paulit-ulit na tinutuligsa ni Satanas ang mga bagay na ginagawa ni Jehova, nagpaparatang tungkol sa takot ni Job sa Diyos na si Jehova. Tinatangka ni Satanas na udyukan si Jehova sa iba’t ibang mga paraan upang mapapayag si Jehova na tuksuhin nito si Job. Ang mga salita nito kung gayon ay lubhang nakakapukaw ng galit. Kaya sabihin sa Akin, sa sandaling masabi ni Satanas ang mga salitang ito, makikita ba nang malinaw ng Diyos kung ano ang nais gawin ni Satanas? (Oo.) Sa puso ng Diyos, ang taong si Job na tinutunghayan ng Diyos—ang lingkod na ito ng Diyos, na itinuturing ng Diyos na isang matuwid na tao, isang perpektong tao—maaari kaya niyang mapaglabanan ang ganitong uri ng tukso? (Oo.) Bakit ganoon na lang katiyak ang Diyos tungkol diyan? Palagi bang sinusuri ng Diyos ang puso ng tao? (Oo.) Si Satanas ba kung gayon ay nakakasuri ng puso ng tao? Hindi ito kaya ni Satanas. Kahit na makita pa ni Satanas ang puso ng tao, ang masamang kalikasan nito ay hindi kailanman magtutulot dito na maniwala na ang kabanalan ay kabanalan, o na ang nakaririmarim ay nakaririmarim. Hindi kailanman maaaring pahalagahan ng masamang si Satanas ang anumang bagay na banal, matuwid o maliwanag. Hindi maiiwasan ni Satanas na walang-pagod na gawin ang naaayon sa kalikasan nito, sa kasamaan nito, at ang mga paraang nakasanayan nito. Kahit na maparusahan o mapuksa pa ito ng Diyos, hindi ito nag-aatubili na mahigpit na tutulan ang Diyos—ito ang kasamaan, ito ang kalikasan ni Satanas. Kaya sa siping ito, sinasabi ni Satanas: “Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Ngunit pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at kanyang susumpain Ka ng mukhaan.” Iniisip ni Satanas na ang takot ng tao sa Diyos ay dahil sa pagkakamit ng tao ng napakaraming pakinabang mula sa Diyos. Ang tao ay nagkakamit ng mga pakinabang mula sa Diyos, kung kaya sinasabi niya na ang Diyos ay mabuti. Subalit hindi ito dahil sa ang Diyos ay mabuti, ito ay dahil lamang sa ang tao ay nagkakamit ng napakaraming pakinabang na maaaring katakutan niya ang Diyos sa ganitong paraan. Sa sandaling alisin ng Diyos sa kanya ang mga pakinabang na ito, tatalikuran na niya ang Diyos. Sa masamang kalikasan ni Satanas, hindi ito naniniwala na ang puso ng tao ay tunay na maaaring matakot sa Diyos. Dahil sa masamang kalikasan nito hindi nito alam kung ano ang kabanalan, lalong hindi nito nalalaman kung ano ang may takot na pagpipitagan. Hindi nito alam kung ano ang kahulugan ng pagsunod sa Diyos o kung ano ang matakot sa Diyos. Dahil hindi nito alam ang mga bagay na ito, iniisip nito na hindi rin magagawa ng tao na matakot sa Diyos. Sabihin sa Akin, hindi ba masama si Satanas? Maliban sa ating iglesia, wala sa iba’t ibang mga relihiyon at mga denominasyon, o mga grupong panrelihiyon at panlipunan, ang naniniwala sa pag-iral ng Diyos, lalo nang hindi sila naniniwala na ang Diyos ay nagkatawang-tao at ginagawa ang gawain ng paghatol, kaya iniisip nila na ang iyong pinaniniwalaan ay hindi ang Diyos. Kapag tumitingin ang isang taong mahalay sa kanyang paligid, ang tingin niya ay mahalay rin ang lahat tulad niya. Ang isang tao na nagsisinungaling sa lahat ng oras ay walang ibang nakikita kundi kawalang-katapatan at kasinungalingan kapag tumitingin ito sa paligid. Nakikita ng isang masamang tao ang lahat bilang masama at nagnanais na labanan ang lahat ng nakikita niya. Nakikita ng mga taong may kaunting katapatan ang lahat bilang tapat, kaya palagi silang naloloko, palaging nadadaya, at wala silang magagawang anuman tungkol dito. Ibinibigay Ko sa inyo ang ilang halimbawang ito upang patibayin ang inyong paniniwala: Ang masamang kalikasan ni Satanas ay hindi isang pansamantalang pamimilit o isang bagay na dulot ng mga pagkakataon, ni hindi ito isang pansamantalang pagpapamalas na dulot ng anumang kadahilanan o konteksto. Talagang hindi! Talaga lamang na walang magagawa si Satanas kundi ang maging ganito! Hindi ito makagagawa ng anumang mabuti. Kahit na kapag sinasabi nito ang isang bagay na masarap pakinggan, ito ay para akitin ka lamang. Habang lalong nakakalugod, habang lalong nakikibagay, habang lalong nagiging banayad ang mga salita nito, nagiging mas malisyoso ang masasamang intensyon sa likod ng mga salitang ito. Anong uri ng mukha, anong uri ng kalikasan ang ipinakikita ni Satanas sa dalawang siping ito? (Taksil, malisyoso at masama.) Ang pangunahing katangian ni Satanas ay kasamaan; higit sa ano pa man, si Satanas ay masama at malisyoso.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 141
Nilikha ng Diyos ang tao at mula noon ay palaging ginagabayan ang buhay ng sangkatauhan. Sa pagkakaloob man sa sangkatauhan ng mga pagpapala, pagbibigay ng mga batas at kautusan para sa mga tao, o pagtatakda ng iba’t ibang mga patakaran sa buhay, alam ba ninyo ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga bagay na ito? Una, masasabi ba ninyo nang may katiyakan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kabutihan ng sangkatauhan? Maaaring ang mga ito ay tila maringal at walang lamang mga salita, subalit kung susuriin ang mga detalye nito, hindi ba’t ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay upang pangunahan at gabayan ang tao sa pagsasabuhay ng isang normal na buhay? Sa pagtulot man ito sa tao na sundin ang Kanyang mga alituntunin o tumalima sa Kanyang mga kautusan, ang layunin ng Diyos ay upang hindi sumamba ang tao kay Satanas at upang hindi sila mapinsala ni Satanas; ito ang pinakapangunahin, at ito ang ginagawa mula pa sa pinakasimula. Noong pinakasimula, nang hindi naintindihan ng tao ang kalooban ng Diyos, gumawa ang Diyos ng ilang simpleng kautusan at alintuntunin at gumawa ng mga panukala na sumaklaw sa lahat ng maaaring gawan ng panukala. Ang mga panukalang ito ay payak, ngunit sa loob ng mga ito ay naroon ang kalooban ng Diyos. Pinakaiingat-ingatan, pinahahalagahan at pinakaiibig ng Diyos ang sangkatauhan. Kaya masasabi ba natin na ang Kanyang puso ay banal? Masasabi ba natin na ang Kanyang puso ay malinis? (Oo.) Mayroon bang karagdagang layunin ang Diyos? (Wala.) Kung gayon, ang Kanya bang layunin ay tama at positibo? Sa gawain ng Diyos, ang lahat ng panukala na Kanyang ginawa ay may positibong epekto para sa tao at nagtuturo sa mga tao ng daan. Kaya may anumang makasariling saloobin ba sa isipan ng Diyos? Mayroon bang anumang karagdagang mga layunin ang Diyos patungkol sa tao? Nais ba Niyang gamitin ang tao sa ibang paraan? Hindi kailanman. Ginagawa ng Diyos kung ano ang sinasabi Niya, at ang Kanyang mga sinasabi at ginagawa ay tugma sa Kanyang mga iniisip sa Kanyang puso. Walang hindi dalisay na layunin, walang makasariling mga saloobin. Wala Siyang anumang ginagawa para sa Kanya Mismo; ang lahat ng ginagawa Niya ay ginagawa Niya para sa tao, nang walang anumang pansariling layunin. Bagaman may mga plano at mga intensyon Siya para sa tao, wala sa mga ito ang para sa Kanya Mismo. Lahat ng ginagawa Niya ay ginagawa para lamang sa sangkatauhan, upang ingatan ang sangkatauhan, upang mapanatiling hindi naliligaw ang sangkatauhan. Kaya hindi ba natatangi ang Kanyang puso? Makakakita ka ba ng kahit na pinakamaliit na bakas ng natatanging pusong ito kay Satanas? Wala kang makikita ni katiting na bakas nito kay Satanas, hindi mo talaga ito makikita. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay kusang nahahayag. Tingnan natin ngayon kung paano gumawa ang Diyos; paano Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain? Kinukuha ba ng Diyos ang mga batas na ito at ang Kanyang mga salita at mahigpit na itinatali ang mga ito sa mga ulo ng bawat tao, na parang orasyon sa paghihigpit ng benda,[a] upang igiit ang mga ito sa bawat tao? Ganito ba ang paraan ng Kanyang paggawa? (Hindi.) Kaya sa anong paraan ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain? Siya ba ay nananakot? Paliguy-ligoy ba Siyang mangusap sa inyo? (Hindi.) Kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, paano ka ginagabayan ng Diyos? Nagbibigay Siya ng liwanag sa iyo, malinaw na sinasabi sa iyo na ang paggawa nito ay hindi naaayon sa katotohanan, at pagkatapos ay sinasabi Niya sa iyo kung ano ang dapat mong gawin. Mula sa mga paraang ito ng paggawa ng Diyos, anong uri ng kaugnayan ang nararamdaman mong mayroon ka sa Diyos? Nararamdaman mo bang ang Diyos ay hindi maabot? (Hindi.) Ano ang nararamdaman mo kapag nakikita mo ang mga paraang ito ng paggawa ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos ay talagang totoo, at ang relasyon Niya sa tao ay talagang normal. Ang Diyos ay napakalapit sa iyo, walang distansya sa pagitan mo at ng Diyos. Kapag ginagabayan ka ng Diyos, kapag Siya ay nagtutustos sa iyo, tumutulong sa iyo at sumusuporta sa iyo, nararamdaman mo kung gaano kagiliw-giliw ang Diyos, ang pagpipitagan na nahihikayat Niya; nararamdaman mo kung gaano Siya kaibig-ibig, nararamdaman mo ang Kanyang kasiglahan. Subalit kapag pinupuna ng Diyos ang iyong katiwalian, o kapag hinahatulan at dinidisiplina ka Niya dahil sa paghihimagsik mo sa Kanya, anong paraan ang ginagamit Niya? Sinasaway ka ba Niya sa pamamagitan ng mga salita? Dinidisiplina ka ba Niya sa pamamagitan ng iyong kapaligiran at sa pamamagitan ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay? (Oo.) Hanggang sa anong antas ang pagdisiplina ng Diyos sa iyo? Dinidisiplina ba ng Diyos ang tao hanggang sa parehong antas na pinipinsala ni Satanas ang tao? (Hindi, dinidisiplina lamang ng Diyos ang tao hanggang sa antas na kayang tiisin ng tao.) Ang Diyos ay gumagawa sa isang banayad, maingat, mapagmahal, at maalagang paraan, isang higit sa karaniwang paraan na kalkulado at wasto. Ang Kanyang paraan ay hindi nagdudulot sa iyo ng matinding mga emosyon tulad ng, “Dapat na pumayag ang Diyos na gawin ko ito” o “Dapat na pumayag ang Diyos na gawin ko iyon.” Ang Diyos ay hindi kailanman magbibigay sa iyo ng ganoong uri ng matinding isipin o damdamin na magsasanhi na hindi mo makayanan ang mga bagay-bagay. Hindi ba tama iyon? Tanggapin mo man ang mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, ano ang iyong nararamdaman pagkatapos? Kapag nararamdaman mo ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, ano ang nararamdaman mo pagkatapos? Nararamdaman mo ba na ang Diyos ay banal at hindi maaaring labagin? Nararamdaman mo ba ang distansiya sa pagitan mo at ng Diyos sa ganitong mga pagkakataon? Nakakaramdam ka ba ng takot sa Diyos? Hindi, sa halip ay nararamdaman mo ang may-takot na pagpipitagan sa Diyos. Hindi ba nararamdaman ng mga tao ang lahat ng ito dahil sa gawain ng Diyos? Magkakaroon ba sila ng ganitong mga damdamin kung si Satanas ang gumawa sa tao? Hinding-hindi. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita, ang Kanyang katotohanan at ang Kanyang buhay upang tuluy-tuloy na magtustos sa tao, upang suportahan ang tao. Kapag ang tao ay mahina, kapag ang tao ay nanlulumo, tiyak na hindi malupit na mangungusap ang Diyos, na nagsasabing: “Huwag manlumo. Bakit ka nanlulumo? Bakit ka nanghihina? Mayroon bang dahilan para manghina? Napakahina mo palagi, at napakanegatibo mo palagi! Wala bang dahilan para mabuhay? Mamatay ka na lang at tapusin ang lahat!” Sa ganitong paraan ba gumagawa ang Diyos? (Hindi.) Ang Diyos ba ay may awtoridad na kumilos sa ganitong paraan? Oo, may awtoridad Siya. Subalit hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Ang dahilan kung bakit hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan ay dahil sa Kanyang diwa, ang diwa ng kabanalan ng Diyos. Ang Kanyang pagmamahal sa tao, ang pagpapahalaga at pagtatangi Niya sa tao ay hindi maaaring ipahayag nang malinaw sa isa o dalawang pangungusap lamang. Hindi ito isang bagay na idinulot ng pagyayabang ng tao kundi isang bagay na pinasisibol ng Diyos sa totoong pagsasagawa; ito ang pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Ang lahat ba ng paraang ito ng paggawa ng Diyos ay makakapagtulot sa tao na makita ang kabanalan ng Diyos? Sa lahat ng paraang ito ng paggawa ng Diyos, kasama na ang mabubuting intensyon ng Diyos, kabilang ang mga epekto na nais ng Diyos na gumawa sa tao, kasama ang iba’t ibang mga paraan na sinusundan ng Diyos upang gumawa sa tao, ang uri ng gawain na ginagawa Niya, ang nais Niya na maunawaan ng tao—nakakita ka ba ng anumang kasamaan o pagkatuso sa mabuting mga intensyon ng Diyos? (Hindi.) Kaya sa lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos, sa lahat ng bagay na sinasabi ng Diyos, sa lahat ng bagay na iniisip Niya sa Kanyang puso, gayundin sa lahat ng diwa ng Diyos na inihahayag Niya—matatawag ba nating banal ang Diyos? (Oo.) Nakita na ba ng tao ang kabanalang ito sa mundo, o sa sarili niya? Maliban sa Diyos, nakita mo na ba ito sa sinumang tao o kay Satanas? (Hindi.) Mula sa mga tinalakay natin, matatawag ba nating natatangi ang Diyos, ang mismong banal na Diyos? (Oo.) Ang lahat ng ibinibigay ng Diyos sa tao, kasama ang mga salita ng Diyos, ang iba’t ibang paraan kung saan ang Diyos ay gumagawa sa tao, ang sinasabi ng Diyos sa tao, ang ipinapaalaala ng Diyos sa tao, ang Kanyang ipinapayo at hinihikayat na gawin—nagmumula ang lahat ng ito sa isang diwa: ang kabanalan ng Diyos. Kung walang ganoong banal na Diyos, walang taong makakahalili sa Kanya upang gawin ang mga ginagawa Niya. Kung lubusang ibinigay ng Diyos ang mga taong ito kay Satanas, napag-isipan na ba ninyo kung ano ang magiging uri ng kalagayan ninyong lahat sa kasalukuyan? Kayo bang lahat ay makauupo rito na buo at hindi napipinsala? Sasabihin din ba ninyo: “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon”? Magiging pangahas ba kayo, magiging masyadong bastos at magyayabang nang walang kahihiyan sa harap ng Diyos? Tiyak na gagawin ninyo ito nang walang pag-aalinlangan! Ang saloobin ni Satanas sa tao ay nagtutulot sa tao na makita na ang kalikasan at diwa ni Satanas ay lubos na iba sa Diyos. Ano ang nasa diwa ni Satanas na kabaligtaran ng kabanalan ng Diyos? (Ang kasamaan ni Satanas.) Ang masamang kalikasan ni Satanas ay ang kabaligtaran ng kabanalan ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi nakikilala ng karamihan sa mga tao ang pagpapahayag na ito ng Diyos at ang diwa ng kabanalan ng Diyos na ito ay dahil sa sila ay nabubuhay sa ilalim ni Satanas, sa loob ng katiwalian ni Satanas at sa loob ng buhay na kulungan ni Satanas. Hindi nila alam kung ano ang kabanalan o kung paano bigyang-kahulugan ang kabanalan. Nauunawaan mo man ang kabanalan ng Diyos, hindi mo pa rin ito mabibigyan ng kahulugan bilang kabanalan ng Diyos nang may anumang katiyakan. Isang malaking pagkakaiba ito na napapaloob sa kaalaman ng tao ukol sa kabanalan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV
Talababa:
a. Ang “orasyon sa paghihigpit ng benda” ay isang orasyon na ginagamit ng mongheng si Tang Sanzang sa nobelang Chinese na Journey to the West. Ginagamit niya ang orasyong ito para pigilan si Sun Wukong sa pamamagitan ng paghihigpit ng isang bendang bakal sa palibot ng ulo ng huli, na nagbibigay rito ng matitinding sakit ng ulo kaya nakokontrol niya ito. Naging isang metapora ito para ilarawan ang isang bagay na gumagapos sa isang tao.
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 142
Ano ang katangian ng gawain ni Satanas sa tao? Dapat ninyong matutuhan ito sa pamamagitan ng inyong sariling mga karanasan—ito ang tipikal na katangian ni Satanas, ang bagay na paulit-ulit nitong ginagawa, ang bagay na sinusubukan nitong gawin sa bawat isang tao. Marahil ay hindi ninyo kayang makita ang katangiang ito, kaya hindi ninyo nararamdaman na lubhang nakakatakot at kasuklam-suklam si Satanas. Mayroon bang nakakaalam kung anong katangian ito? (Sinusulsulan, inaakit at tinutukso nito ang tao.) Tama iyon; ang mga ito ang ilan sa paraan na naipapamalas ang katangiang ito. Si Satanas din ay nandaraya, nanunuligsa at nag-aakusa sa tao—lahat ng ito ay mga pagpapamalas. Mayroon pa bang iba? (Nagsasabi ito ng mga kasinungalingan.) Ang pandaraya at pagsisinungaling ay likas kay Satanas. Madalas nitong ginagawa ang mga bagay na ito. Nariyan din ang pag-astang amo sa mga tao, sinusulsulan sila, pinipilit silang gumawa ng mga bagay-bagay, inuutus-utusan sila, at sapilitang inaangkin sila. Ngayon ay ilalarawan Ko ang isang bagay sa inyo na sisindak sa inyo, ngunit hindi Ko ginagawa ito upang takutin kayo. Ang Diyos ay gumagawa sa tao at pinapahalagahan ang tao kapwa sa Kanyang saloobin at sa Kanyang puso. Sa kabilang banda, si Satanas ay hindi talaga pinapahalagahan ang mga tao, at ginugugol nito ang lahat ng oras nito sa pag-iisip kung paano pamiminsala ang tao. Hindi ba tama ito? Kapag pinag-iisipan nito ang pamiminsala sa tao, ang nasa isipan ba nito ay ang magmadali? (Oo.) Kaya pagdating sa gawain ni Satanas sa tao, may dalawa Akong parirala na sapat na makakapaglarawan sa kasamaan at pagiging malisyoso ni Satanas, na tunay na magtutulot sa inyong makilala ang pagiging kasuklam-suklam ni Satanas: Sa paglapit ni Satanas sa tao, palagi nitong nais na sapilitang masakop at sapian ang tao, ang bawat isa, hanggang sa punto na maaari nitong ganap na makontrol ang tao at mapinsala ang tao nang lubha, upang maaari nitong makamit ang layunin nito at maisakatuparan ang mabangis na ambisyong ito. Ano ang ibig sabihin ng “sapilitang sakupin”? Nangyayari ba ito nang may pahintulot mo, o nang wala kang pahintulot? Nangyayari ba ito nang nalalaman mo, o nang hindi mo nalalaman? Ang sagot ay lubos na nangyayari ito nang hindi mo nalalaman! Nagaganap ito sa mga sitwasyon na wala kang kamalayan, marahil kahit wala itong anumang sinasabi o ginagawa sa iyo, nang walang batayan, walang konteksto—naroroon si Satanas na pumapalibot sa iyo. Naghahanap ito ng pagkakataon na makapagsamantala at pagkatapos ay sasakupin ka nito nang sapilitan, sasapian ka, makakamit ang layunin nito na ganap kang kontrolin at pinsalain ka. Ito ay ang pinakakaraniwang intensyon at pag-uugali ni Satanas sa pakikipaglaban nito na ilayo ang sangkatauhan sa Diyos. Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ito? (Nasisindak at natatakot sa aming mga puso.) Nasusuklam ba kayo? (Oo.) Kapag nasusuklam kayo, naiisip ba ninyo na si Satanas ay walang kahihiyan? Kapag naiisip ninyo na si Satanas ay walang kahihiyan, nasusuklam ba kayo kung gayon sa mga tao sa paligid ninyo na palaging nais kumontrol sa inyo, sa mga may mababangis na ambisyon para sa katayuan at mga pakinabang? (Oo.) Kaya anong mga paraan ang ginagamit ni Satanas upang sapilitang sapian at sakupin ang tao? Malinaw ba ito sa inyo? Kapag naririnig ninyo ang dalawang salitang ito na “sapilitang pananakop” at “pagsapi,” nakakaramdam kayo ng pagkasuklam at nadarama ninyo ang kasamaan ng mga salitang ito. Nang walang pahintulot ninyo o nang hindi ninyo nalalaman, sinasapian ka ni Satanas, sapilitan kang sinasakop, at ginagawa kang tiwali. Ano ang mararamdaman mo sa iyong puso? Nakakaramdam ka ba ng pagkamuhi at pagkasuklam? (Oo.) Kapag nakakaramdam ka ng ganitong pagkamuhi at pagkasuklam sa mga paraang ito ni Satanas, anong uri ng damdamin ang mayroon ka para sa Diyos? (Pasasalamat.) Nagpapasalamat sa Diyos sa pagliligtas sa iyo. Kaya ngayon, sa sandaling ito, may pagnanais ka ba o kalooban na hayaan ang Diyos na mangasiwa at mamahala ng lahat ng mayroon ka at lahat ng kung sino ka? (Oo.) Sa anong konteksto nakabatay ang sagot mo? Sinasabi mo ba ang “oo” sapagkat natatakot ka na sapilitang masakop at masapian ni Satanas? (Oo.) Hindi ka dapat magkaroon ng ganitong uri ng kaisipan; hindi ito tama. Huwag matakot, sapagkat ang Diyos ay naririto. Walang dapat katakutan. Sa sandaling maunawaan mo ang masamang diwa ni Satanas, dapat kang magkaroon ng mas tamang pagkaunawa o ng mas malalim na pagpapahalaga sa pagmamahal ng Diyos, sa mabubuting intensyon ng Diyos, sa pagkahabag at pagpaparaya ng Diyos para sa tao at sa Kanyang matuwid na disposisyon. Si Satanas ay lubhang kasuklam-suklam, datapwat kung hindi pa rin ito humihikayat sa iyong pagmamahal sa Diyos at sa iyong pananalig at pagtitiwala sa Diyos, kung gayon ay anong uri ng tao ka? Handa ka ba na hayaang pinsalain ka ni Satanas? Matapos makita ang kasamaan at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas, pumipihit tayo at tumitingin sa Diyos. Sumailalim na ba ngayon sa anumang pagbabago ang iyong kaalaman sa Diyos? Maaari ba nating sabihin na ang Diyos ay banal? Masasabi ba natin na ang Diyos ay walang kapintasan? “Ang Diyos ay natatanging kabanalan”—mapaninindigan ba ng Diyos ang titulong ito? (Oo.) Kaya sa mundo at sa gitna ng lahat ng bagay, tanging ang Diyos Mismo ba ang maaaring manindigan sa pagkaunawang ito ng tao sa Diyos? (Oo.) Kaya ano ba talaga ang ibinibigay ng Diyos sa tao? Nagbibigay lamang ba Siya sa iyo ng kaunting pagkalinga, malasakit at pagsasaalang-alang nang hindi mo ito namamalayan? Ano ang naibigay ng Diyos sa tao? Ang Diyos ay nagbigay sa tao ng buhay, nagbigay sa tao ng lahat ng bagay, at walang-pasubaling ipinagkakaloob sa tao ang lahat ng ito nang walang hinihinging anumang kapalit, nang walang anumang lihim na hangarin. Ginagamit Niya ang katotohanan, ginagamit ang Kanyang mga salita, ginagamit ang Kanyang buhay upang pangunahan at gabayan ang tao, upang mailayo ang tao mula sa pamiminsala ni Satanas, sa mga panunukso ni Satanas, sa panunulsol at pang-aakit ni Satanas, upang tulutan ang tao na makita nang malinaw ang masamang kalikasan ni Satanas at ang nakakatakot nitong mukha. Tunay ba ang pagmamahal at malasakit ng Diyos sa sangkatauhan? Ito ba ay isang bagay na maaaring maranasan ng bawat isa sa inyo? (Oo.)
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 143
Magbalik-tanaw sa inyong mga buhay hanggang sa kasalukuyan, sa lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa iyo sa lahat ng taon ng iyong pananampalataya. Pumupukaw man ito nang masisidhi o mabababaw na damdamin, hindi ba’t higit sa lahat ay ito ang lubos na kinakailangan? Hindi ba ito ang iyong pinakakinakailangang makamit? (Oo.) Hindi ba ito katotohanan? Hindi ba ito ang buhay? (Oo.) Napagkalooban ka na ba ng Diyos kahit kailan ng kaliwanagan, at pagkatapos ay hinilingan kang magbigay sa Kanya ng anuman bilang kapalit ng lahat ng naibigay Niya sa iyo? (Hindi.) Kaya ano ang layunin ng Diyos? Bakit ginagawa ito ng Diyos? Mayroon din bang balak ang Diyos na sakupin ka? (Wala.) Nais ba ng Diyos na itaas ang Kanyang trono sa puso ng tao? (Oo.) Kaya ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagtataas ng Diyos sa Kanyang trono at sa sapilitang pananakop ni Satanas? Nais ng Diyos na matamo ang puso ng tao, nais Niyang sakupin ang puso ng tao—ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ba ito na nais ng Diyos na ang tao ay maging mga tau-tauhan Niya, mga makina Niya? (Hindi.) Kaya ano ang layunin ng Diyos? May pagkakaiba ba sa pagitan ng pagnanais ng Diyos na masakop ang puso ng tao sa sapilitang pananakop at pagsapi ni Satanas sa tao? (Oo.) Ano ang pagkakaiba? Malinaw mo bang masasabi sa Akin? (Ginagawa ito ni Satanas nang sapilitan samantalang hinahayaan ng Diyos na magkusa ang tao.) Ito ba ang kaibahan? Ano ang pakinabang ng Diyos sa iyong puso? At ano ang pakinabang ng Diyos sa pagsakop sa iyo? Ano ang pagkaunawa ninyo sa inyong puso ng “sinasakop ng Diyos ang puso ng tao”? Dapat tayong maging patas sa paraan ng pagsasalita natin tungkol sa Diyos dito, kung hindi, ang mga tao ay palaging magkakaroon ng maling pagkaunawa, at iisiping: “Palaging nais ng Diyos na sakupin ako. Ano ang dahilan at nais Niya akong sakupin? Ayaw kong masakop, nais ko lamang na maging panginoon ng aking sarili. Sinasabi mong sinasakop ni Satanas ang mga tao, subalit sinasakop din ng Diyos ang mga tao. Hindi ba magkapareho ang mga ito? Hindi ko nais na pahintulutang sakupin ako ninuman. Ako ay ako!” Ano ang pagkakaiba rito? Pag-isipan ito. Tinatanong Ko kayo, isa bang hungkag na parirala ang “sinasakop ng Diyos ang tao”? Ang pagsakop ba ng Diyos sa tao ay nangangahulugan na Siya ay nananahan sa iyong puso, at pinangingibabawan ang bawat salita at bawat galaw mo? Kung sinasabihan ka Niya na umupo, mangangahas ka ba na hindi tumayo? Kung sinasabihan ka Niya na magpunta sa silangan, mangangahas ka ba na hindi pumunta sa kanluran? Ang “pananakop” ba na ito ay nakaayon sa mga linyang ito? (Hindi ito nakaayon. Nais ng Diyos na isabuhay ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos.) Sa loob ng mga taon na ito na pinangasiwaan ng Diyos ang tao, sa Kanyang gawain sa tao hanggang sa kasalukuyan sa huling yugtong ito, ano ang nilalayong epekto sa tao ng lahat ng salita na winika Niya? Ito ba ay ang maisabuhay ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos? Kung titingnan ang literal na kahulugan ng “sinasakop ng Diyos ang puso ng tao,” tila ba kinukuha ng Diyos ang puso ng tao at sinasakop ito, nananahan dito at hindi na muling lalabas; Siya ay nagiging panginoon ng tao at nagagawang pangibabawan at hawakan ang puso ng tao ayon sa kalooban Niya, upang gawin ng tao ang anumang sinasabi ng Diyos na gawin niya. Kung gayon, para bagang bawat tao ay maaaring maging Diyos at magtaglay ng Kanyang diwa at disposisyon. Kaya sa usaping ito, makakapagsagawa ba ang tao ng mga gawain ng Diyos? Maaari bang maipaliwanag ang “pagsakop” sa ganitong paraan? (Hindi.) Ano ito kung gayon? Itinatanong Ko ito sa inyo: Ang lahat ba ng salita at katotohanan na itinutustos ng Diyos sa tao ay isang pahayag ng diwa ng Diyos at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya? (Oo.) Ito ay tiyak na totoo. Subalit kinakailangan ba na isinasagawa at tinataglay mismo ng Diyos ang lahat ng salita na itinutustos ng Diyos sa tao? Pag-isipan ito. Kapag hinahatulan ng Diyos ang tao, bakit Siya humahatol? Saan nanggaling ang mga salitang ito? Ano ang nilalaman ng mga salitang ito na winiwika ng Diyos kapag hinahatulan Niya ang tao? Saan nakabatay ang mga ito? Ang mga ito ba’y nakabatay sa tiwaling disposisyon ng tao? (Oo.) Kung gayon ang epekto ba na nakamit sa paghatol ng Diyos sa tao ay nakabatay sa diwa ng Diyos? (Oo.) Kung gayon ang “pagsakop” ba ng Diyos “sa tao” ay isang hungkag na parirala? Tiyak na hindi. Kung gayon bakit sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito sa tao? Ano ang layunin Niya sa pagsasabi ng ganitong mga salita? Nais ba Niyang gamitin ang mga salitang ito upang magsilbing buhay ng tao? (Oo.) Nais ng Diyos na gamitin ang lahat ng katotohanang ito na winika Niya sa mga salitang ito para magsilbing buhay ng tao. Kapag tinanggap ng tao ang lahat ng katotohanang ito at ang salita ng Diyos at pinairal ang mga ito sa kanyang sariling buhay, makasusunod ba kung gayon ang tao sa Diyos? Matatakot ba kung gayon ang tao sa Diyos? Malalayuan ba kung gayon ng tao ang kasamaan? Kapag narating ng tao ang puntong ito, makasusunod na ba siya kung gayon sa dakilang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos? Ang tao ba kung gayon ay nasa posisyon na upang magpasakop sa awtoridad ng Diyos? Kapag ang mga taong katulad ni Job, o ni Pedro ay nakarating na sa kanilang hangganan, kapag ang kanilang buhay ay maituturing na nakaabot na sa kahustuhan, kapag mayroon silang tunay na pagkaunawa sa Diyos—maaari pa rin ba silang iligaw ni Satanas? Masasakop pa rin ba sila ni Satanas? Masasapian pa rin ba sila nang sapilitan ni Satanas? (Hindi.) Kaya anong uri ng tao ito? Ito ba ay isang tao na ganap na natamo ng Diyos? (Oo.) Sa antas na ito ng pakahulugan, paano ninyo titingnan ang ganitong uri ng tao na ganap na natamo ng Diyos? Sa pananaw ng Diyos, sa ganitong mga kalagayan, nasakop na Niya ang puso ng taong ito. Ngunit ano ang nararamdaman ng taong ito? Nagiging buhay ba sa loob ng tao ang salita ng Diyos, ang awtoridad ng Diyos, at ang daan ng Diyos, upang ang mga bagay na ipinamumuhay niya gayundin ang diwa niya ay maging sapat upang bigyan-kasiyahan ang Diyos? Sa pananaw ng Diyos, ang puso ba ng sangkatauhan sa mismong sandaling ito ay nasasakop Niya? (Oo.) Paano ninyo nauunawaan ang antas na ito ng pakahulugan sa ngayon? Ang Espiritu ba ng Diyos ang sumasakop sa iyo? (Hindi, ito ang salita ng Diyos na sumasakop sa atin.) Ito ang daan ng Diyos at ang salita ng Diyos na naging buhay mo, at ito ang katotohanan na naging buhay mo. Sa panahong ito, taglay kung gayon ng tao ang buhay na nanggagaling sa Diyos, ngunit hindi natin masasabi na ang buhay na ito ay buhay ng Diyos. Sa madaling salita, hindi natin masasabi na ang buhay ng tao na nagmula dapat sa salita ng Diyos ay ang buhay ng Diyos. Kaya gaano man katagal na sinusunod ng tao ang Diyos, gaano man karaming salita ang matamo ng tao mula sa Diyos, ang tao ay hindi kailanman magiging Diyos. Sabihin man isang araw ng Diyos, “Nasakop Ko na ang iyong puso, tinataglay mo na ngayon ang Aking buhay,” mararamdaman mo ba kung gayon na ikaw ay Diyos? (Hindi.) Magiging ano ka kung gayon? Hindi ka kaya magkakaroon ng lubos na pagsunod sa Diyos? Hindi kaya mapupuno ang iyong puso ng buhay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos? Ito ay labis na normal na pagpapamalas ng nangyayari kapag sinasakop ng Diyos ang puso ng tao. Ito ay katotohanan. Kaya kung titingnan ito mula sa aspetong ito, ang tao ba ay maaaring maging Diyos? Kapag nagawa ng taong isabuhay ang realidad ng mga salita ng Diyos, at naging isang taong natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, matataglay ba ng tao ang diwa ng buhay at kabanalan ng Diyos? Hinding-hindi. Anuman ang mangyari, ang tao ay tao pa rin pagkatapos ng lahat. Ikaw ay isang nilikha; nang matanggap mo ang salita ng Diyos mula sa Diyos at tinanggap ang daan ng Diyos, tinataglay mo lamang ang buhay na nagmumula sa mga salita ng Diyos, ikaw ay naging isang taong pinupuri ng Diyos, ngunit hindi mo kailanman tataglayin ang diwa ng buhay ng Diyos, lalo na ang kabanalan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 144
Ang Tukso ni Satanas (Mga piling sipi)
Mateo 4:1–4 Nang magkagayo’y inihatid ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang Siya’y tuksuhin ng diyablo. At nang Siya’y makapag-ayuno nang apatnapung araw at apatnapung gabi, sa wakas ay nagutom Siya. At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa Kanya, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipagutos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Datapuwat Siya’y sumagot, at sinabi, “Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”
Ito ang mga salitang unang ginamit ng diyablo upang tuksuhin ang Panginoong Jesus. Ano ang nilalaman ng sinabi ng diyablo? (“Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipagutos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.”) Ang mga salitang sinabi ng diyablo ay napakapayak, ngunit mayroon bang problema sa diwa ng mga ito? Sinabi ng diyablo, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos,” ngunit sa puso nito, alam ba nito na si Jesus ang Anak ng Diyos o hindi? Alam ba nito na Siya ang Cristo o hindi? (Alam nito.) Kung gayon, bakit nito sinabing “Kung Ikaw”? (Sinusubukan nitong tuksuhin ang Diyos.) Ngunit ano ang layunin nito sa paggawa nito? Sinabi nitong, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos.” Sa puso nito, alam nito na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ito ay napakalinaw sa puso nito, ngunit sa kabila ng pagkakaalam tungkol dito, nagpasakop ba ito sa Kanya o sinamba ba Siya nito? (Hindi.) Ano ang nais nitong gawin? Nais nitong gamitin ang pamamaraang ito at ang mga salitang ito upang galitin ang Panginoong Jesus, at pagkatapos ay linlangin Siya na kumilos ayon sa mga layunin nito. Hindi ba ito ang kahulugan sa likod ng mga salita ng diyablo? Sa puso ni Satanas, malinaw na alam nito na Siya ang Panginoong Jesucristo, ngunit sinabi pa rin nito ang mga salitang ito. Hindi ba ito ang kalikasan ni Satanas? Ano ang kalikasan ni Satanas? (Ang maging tuso, masama, at walang paggalang sa Diyos.) Ano ang mga kahahantungan ng kawalan ng paggalang sa Diyos? Hindi ba’t gusto nitong salakayin ang Diyos? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang salakayin ang Diyos, kaya’t sinabi nito: “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipagutos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay”; hindi ba ito ang masamang intensyon ni Satanas? Ano ang talagang sinusubukan nitong gawin? Ang pakay nito ay napakalinaw: Sinusubukan nitong gamitin ang pamamaraang ito upang pasinungalingan ang posisyon at pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo. Ang ibig sabihin ni Satanas sa mga salitang iyon ay, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, gawin Mong tinapay ang mga batong ito. Kung hindi Mo gagawin, hindi Ikaw ang Anak ng Diyos at hindi Mo na dapat na isakatuparan pa ang Iyong gawain.” Tama ba? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang salakayin ang Diyos, gusto nitong buwagin at sirain ang gawain ng Diyos; ito ang kasamaan ni Satanas. Ang kasamaan nito ay natural na pagpapahayag ng kalikasan nito. Kahit na alam nitong ang Panginoong Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang mismong pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi nito kayang pigilin ang sarili na gawin ang ganitong uri ng bagay, na bumuntot-buntot sa Diyos at patuloy na salakayin Siya at magsikap na mabuti upang gambalain at wasakin ang gawain ng Diyos.
Ngayon, ating suriin ang katagang binigkas ni Satanas: “Ipagutos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Gawing tinapay ang mga bato—mayroon ba itong ibig sabihin? Kung mayroong pagkain, bakit hindi mo ito kakainin? Bakit kinakailangan na ang mga bato ay gawing pagkain? Masasabi ba na walang ibig ipakahulugan dito? Kahit na Siya ay nag-aayuno noong mga oras na iyon, tiyak namang may pagkain na makakain ang Panginoong Jesus? (Mayroon.) Kung gayon, dito, nakikita natin ang kahibangan ng mga salita ni Satanas. Sa kabila ng pandaraya at malisya ni Satanas, nakikita pa rin natin ang pagiging hibang at kakatwa nito. Gumagawa si Satanas ng ilang bagay kung saan ay makikita mo ang malisyosong kalikasan nito; makikita mo itong gumagawa ng mga bagay na wumawasak sa gawain ng Diyos, at sa pagkakita nito ay nararamdaman mong nakakagalit at nakakayamot ito. Ngunit, sa kabilang banda, hindi mo ba nakikita ang isang parang bata at katawa-tawang kalikasan sa likod ng mga salita at gawa nito? Ito ay isang paghahayag tungkol sa kalikasan ni Satanas; dahil mayroon itong ganitong uri ng kalikasan, gagawin nito ang ganitong uri ng bagay. Sa mga tao ngayon, ang mga katagang ito ni Satanas ay kahibangan at katawa-tawa. Ngunit ang mga salitang iyon ay kaya talagang bigkasin ni Satanas. Masasabi ba natin na ito ay ignorante at kakatwa? Ang kasamaan ni Satanas ay nasa lahat ng dako at patuloy na nabubunyag. At paano ito sinagot ng Panginoong Jesus? (“Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”) Mayroon bang anumang kapangyarihan ang mga salitang ito? (Oo, mayroon.) Bakit natin sinasabi na may kapangyarihan ang mga ito? Ito ay dahil ang mga salitang ito ay katotohanan. Ngayon, sa tinapay lamang ba nabubuhay ang tao? Ang Panginoong Jesus ay nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi. Namatay ba siya sa gutom? Hindi Siya namatay sa gutom, kaya nilapitan Siya ni Satanas, inuudyukan Siya na gawing pagkain ang mga bato sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay na tulad ng: “Kung gagawin Mong pagkain ang mga bato, hindi ba’t magkakaroon Ka na ng makakain? Hindi ba’t hindi Mo na kailangang mag-ayuno, hindi na kailangang magutom?” Ngunit sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao,” na nangangahulugang, kahit na ang tao ay naninirahan sa pisikal na katawan, ang nagpapahintulot sa pisikal na katawan na mabuhay at huminga ay hindi pagkain, kundi ang bawat isa sa mga salitang binigkas ng bibig ng Diyos. Sa isang banda, ang mga salitang ito ay katotohanan; binibigyan nila ng pananampalataya ang mga tao, ipinadarama sa kanila na maaari silang dumepende sa Diyos, at na Siya ay katotohanan. Sa kabilang banda, mayroon bang praktikal na aspeto sa mga salitang ito? Hindi ba’t ang Panginoong Jesus ay nakatayo pa rin doon at buhay pa rin pagkatapos mag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi? Hindi ba ito isang tunay na halimbawa? Hindi Siya kumain ng kahit anumang pagkain sa loob ng apatnapung araw at gabi, ngunit buhay pa rin Siya. Ito ang makapangyarihang ebidensya na nagpapatunay sa katotohanan ng Kanyang mga salita. Ang mga salitang ito ay simple, ngunit para sa Panginoong Jesus, binigkas Niya ba ito noon lamang tinukso Siya ni Satanas, o dati nang natural na bahagi Niya ang mga ito? Sa ibang pananalita, ang Diyos ay katotohanan, at ang Diyos ay buhay, ngunit ang katotohanan at buhay ba ng Diyos ay huling pandagdag lamang? Ang mga ito ba ay mula sa bagong karanasan? Hindi—sila ay likas sa Diyos. Ibig sabihin, ang katotohanan at buhay ang diwa ng Diyos. Anuman ang sapitin Niya, ang tangi Niyang ibinubunyag ay katotohanan. Ang katotohanang ito, ang mga salitang ito—ang nilalaman man ng Kanyang pananalita ay mahaba o maikli—ay kayang bigyang-kakayanan ang tao na mabuhay at bigyan ang tao ng buhay; mabibigyang-kakayanan ng mga ito ang tao na makamit ang katotohanan at kalinawan tungkol sa landas ng buhay ng tao, at tulungan silang magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, ang pinagmumulan ng paggamit ng Diyos ng mga salitang ito ay positibo. Kaya masasabi ba natin na ang positibong bagay na ito ay banal? (Oo.) Ang mga salitang ito ni Satanas ay nanggagaling sa kalikasan ni Satanas. Ibinubunyag ni Satanas ang kanyang masama at malisyosong kalikasan kahit saan, sa lahat ng oras. Ngayon, ginagawa ba ni Satanas ang mga pagbubunyag na ito nang natural? Mayroon bang gumagabay rito para gawin ito? Tinutulungan ba ito ng sinuman? Pinupuwersa ba ito ng sinuman? Hindi. Ang lahat ng mga paghahayag na ito ay ginagawa nito sa sarili nitong pag-iisip. Ito ang masamang kalikasan ni Satanas. Anuman ang ginagawa ng Diyos at kahit paano man Niya ginagawa ito, sinusundan ito nang husto ni Satanas. Ang diwa at tunay na kalikasan ng mga bagay na ito na sinasabi at ginagawa ni Satanas ay siyang diwa ni Satanas—diwang masama at malisyoso.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 145
Ang Tukso ni Satanas (Mga piling sipi)
Mateo 4:5–7 Nang magkagayo’y dinala Siya ng diyablo sa bayang banal; at inilagay Siya sa taluktok ng templo, at sa Kanya’y sinabi, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka: sapagkat nasusulat, ‘Siya’y magbibilin sa Kanyang mga anghel tungkol sa Iyo: at, aalalayan Ka ng kanilang mga kamay, baka matisod Ka ng Iyong paa sa isang bato.’” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”
Pag-usapan muna natin ang mga salitang sinabi ni Satanas dito. Sinabi ni Satanas, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka,” at pagkatapos ay sinabi nito mula sa mga Kasulatan, “Siya’y magbibilin sa Kanyang mga anghel tungkol sa Iyo: at, aalalayan Ka ng kanilang mga kamay, baka matisod Ka ng Iyong paa sa isang bato.” Ano ang iyong nararamdaman kapag naririnig ang mga salita ni Satanas? Hindi ba masyadong may pagka-isip-bata ang mga ito? Ang mga ito ay may pagka-isip-bata, kahibangan, at nakakayamot. Bakit Ko sinasabi ito? Palaging gumagawa si Satanas ng mga bagay na kahangalan, at naniniwala ito na ito ay napakatalino. Madalas itong sumisipi mula sa mga Kasulatan—kahit ang mismong mga salita ng Diyos—sumusubok na gamitin ang mga salitang ito laban sa Diyos upang salakayin Siya at upang tuksuhin Siya sa pagtatangkang makamit ang layunin nitong wasakin ang plano ng gawain ng Diyos. May napapansin ka ba sa mga sinabi ni Satanas? (Mayroong mga masamang pakay si Satanas.) Sa lahat ng ginagawa ni Satanas, palagi nitong sinisikap na tuksuhin ang sangkatauhan. Hindi nagsasalita si Satanas nang deretsahan, kundi sa paligoy-ligoy na paraang gamit ang panunukso, panlilinlang, at pang-aakit. Ginagawa ni Satanas ang pagtukso sa Diyos na para bang isa Siyang pangkaraniwang tao, naniniwalang ang Diyos ay mangmang din, hangal, at hindi kayang malinaw na makilala ang mga bagay sa tunay nilang anyo, na katulad ng taong hindi rin magagawa ito. Iniisip ni Satanas na ang Diyos at ang tao ay parehong hindi nakakakita sa diwa nito at sa panlilinlang at masamang pakay nito. Hindi ba ito ang kahangalan ni Satanas? Higit pa rito, hayagang bumabanggit si Satanas ng mga kasabihan mula sa mga Kasulatan, iniisip na ang paggawa nito ay nagbibigay rito ng kredibilidad, at na hindi mo makikita ang anumang kamalian sa mga salita nito o maiiwasang malinlang. Hindi ba ito ang pagiging kakatwa at isip-bata ni Satanas? Ito ay kagaya lang kapag ang ilang tao ay nagpapalaganap ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Diyos: hindi ba’t sinasabi ng mga di-mananampalataya ang kagaya ng sinabi ni Satanas? Narinig na ba ninyo ang mga tao na nagsasabi ng mga bagay na kapareho nito? Ano ang pakiramdam mo kapag naririnig mo ang mga bagay na katulad nito? Nakakaramdam ka ba ng pagkayamot? (Oo.) Kapag nakakaramdam ka ng pagkayamot, nakakaramdam ka rin ba ng pag-ayaw at pagkamuhi? Kapag mayroon kang mga pakiramdam na ganito, kaya mo bang matukoy na si Satanas at ang tiwaling disposisyon na ginagawa ni Satanas sa tao ay masama? Sa iyong puso, nagkaroon ka ba ng pagkaunawang katulad ng: “Kapag nagsalita si Satanas, ginagawa niya ito bilang pagsalakay at panunukso; ang mga salita ni Satanas ay kakatwa, nakakatawa, pang-isip-bata, at nakakayamot; gayunpaman, hindi magsasalita o gagawa ang Diyos sa gayong paraan, at sa katunayan ay hindi Niya iyon kailanman ginawa”? Siyempre, sa sitwasyong ganito lamang nagkakaroon ang mga tao ng kaunting pakiramdam dito, at patuloy silang hindi nakakaunawa sa kabanalan ng Diyos. Sa inyong kasalukuyang tayog, nararamdaman lamang ninyo na: “Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay ang katotohanan, ito ay may pakinabang sa atin, at dapat nating tanggapin ito.” Tanggapin man ninyo ito o hindi, sinasabi ninyo nang walang pagtatangi na ang salita ng Diyos ay katotohanan at ang Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ninyo alam na ang katotohanan mismo ay banal at ang Diyos ay banal.
Kung gayon, ano ang sagot ni Jesus sa mga salitang ito ni Satanas? Sinabi rito ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’” Mayroon bang katotohanan sa mga salitang ito na sinabi ni Jesus? May katotohanan talaga ang mga ito. Sa mababaw na pagkaunawa, ang mga salitang ito ay utos na dapat sundin ng mga tao, isang simpleng parirala, gayunpaman, madalas nang sinuway kapwa ng tao at ni Satanas ang mga salitang ito. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos,” dahil ito ang malimit na ginagawa ni Satanas na may kasipagan. Maaari ding sabihin na walang pakundangan at walang kahihiyan itong ginagawa ni Satanas. Nasa kalikasan at diwa ni Satanas ang hindi matakot sa Diyos at hindi magkaroon ng paggalang sa Diyos sa puso nito. Kahit na noong nakatayo si Satanas sa tabi ng Diyos at nakikita Siya, hindi nito napigil ang sarili na tuksuhin ang Diyos. Kaya, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.” Ito ay mga salitang madalas sinasabi ng Diyos kay Satanas. Kung gayon, naaangkop ba na gamitin ang pariralang ito sa kasalukuyan? (Oo, dahil madalas din nating tuksuhin ang Diyos.) Bakit madalas tinutukso ng mga tao ang Diyos? Ito ba ay dahil puno ang mga tao ng tiwali at satanikong disposisyon? (Oo.) Kung gayon, ang mga salita ba ni Satanas ay mas mataas sa madalas na sinasabi ng mga tao? At sa anong mga sitwasyon sinasabi ng mga tao ang mga salitang ito? Maaaring sabihin na ang mga tao ay bumibigkas ng mga bagay na katulad nito anumang oras at lugar. Pinatutunayan nito na ang disposisyon ng mga tao ay hindi naiiba sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Sinabi ng Panginoong Jesus ang ilang simpleng kataga, mga salitang kumakatawan sa katotohanan, mga salitang kailangan ng mga tao. Gayunpaman, sa sitwasyong ito, nagsasalita ba ang Panginoong Jesus sa gayong paraan upang makipagtalo kay Satanas? Mayroon bang anumang bakas ng pakikipagtalo sa sinabi Niya kay Satanas? (Wala.) Ano ba ang naramdaman ng Panginoong Jesus sa Kanyang puso sa panunukso ni Satanas? Nakaramdam ba Siya ng pagkayamot at pagkasuklam? Ang Panginoong Jesus ay nasuklam at nayamot ngunit hindi Siya nakipagtalo kay Satanas, lalong hindi Siya nagsalita tungkol sa anumang engrandeng mga prinsipyo. Bakit ganoon? (Dahil laging ganito si Satanas, hindi ito kailanman magbabago.) Maaari bang sabihin na hindi tinatablan si Satanas ng katwiran? (Oo.) Makikilala ba ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan? Hindi kailanman kikilalanin ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan at hindi nito kailanman aaminin na ang Diyos ay katotohanan; ito ang kalikasan nito. Mayroon pang isang aspeto sa kalikasan ni Satanas na nakasusulasok. Ano ito? Sa mga pagtatangka nitong tuksuhin ang Panginoong Jesus, inisip ni Satanas na kahit na hindi ito magtatagumpay, susubukan pa rin nitong gawin ito. Kahit na mapaparusahan ito, pinili pa rin nitong subukan ito. Kahit na wala itong makukuhang pakinabang sa paggawa nito, susubok pa rin ito, na nagpipilit sa mga pagsisikap nito at tatayo laban sa Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anong uri ng kalikasan ito? Hindi ba iyon masama? Kapag nanggagalaiti ang isang tao at nagwawala kapag nababanggit ang Diyos, nakita na ba niya ang Diyos? Kilala ba niya kung sino ang Diyos? Hindi niya alam kung sino ang Diyos, hindi siya naniniwala sa Kanya, at hindi pa nakikipag-usap ang Diyos sa kanya. Hindi siya kailanman ginambala ng Diyos, kaya bakit siya magagalit? Maaari ba nating sabihin na ang taong ito ay masama? Ang mga makamundong kalakaran, pagkain, pag-inom, at paghahanap ng kasiyahan at paghabol sa mga sikat na tao—wala sa mga bagay na ito ang makagagambala sa ganitong tao. Gayunpaman, isang pagbigkas lang ng salitang “Diyos” o ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, agad siyang nagwawala. Hindi ba ito ang bumubuo sa pagkakaroon ng masamang kalikasan? Ito ay sapat na upang patunayan na ito ang masamang kalikasan ng tao. Ngayon, para sa inyong mga sarili, mayroon bang mga pagkakataon na kapag ang katotohanan ay nababanggit, o kapag ang mga pagsubok ng Diyos para sa sangkatauhan o kapag ang mga salita ng paghatol ng Diyos laban sa tao ay nabanggit, nakakaramdam kayo ng pag-ayaw, nakakaramdam kayo ng pagtanggi, at hindi ninyo gustong marinig ang tungkol dito? Ang inyong mga puso ay maaaring mag-isip: “Hindi ba lahat ng tao ay nagsabing ang Diyos ang katotohanan? Ang ilan sa mga salitang ito ay hindi katotohanan! Malinaw na mga salita lamang ng pagpapaalala ng Diyos sa tao ang mga ito!” Maaari pa ngang makaramdam ang ibang tao ng matinding pag-ayaw sa kanilang mga puso, at isiping: “Ito ay napag-uusapan araw-araw—ang Kanyang mga pagsubok, ang Kanyang paghatol, kailan matatapos ang lahat ng ito? Kailan natin matatanggap ang mabuting hantungan?” Hindi batid kung saan nanggagaling ang hindi makatwirang galit na ito. Anong uri ng kalikasan ito? (Masamang kalikasan.) Ito ay inuudyukan at ginagabayan ng masamang kalikasan ni Satanas. Mula sa pananaw ng Diyos, kaugnay ng masamang kalikasan ni Satanas at ng tiwaling disposisyon ng tao, hindi Siya kailanman nakikipagtalo o nagkikimkim ng galit sa mga tao, at hindi Siya gumagawa ng gulo kapag ang mga tao ay kumikilos na may kahangalan. Hindi ninyo kailanman makikita ang Diyos na magkaroon ng mga pananaw sa mga bagay-bagay na gaya ng sa mga tao, at higit pa rito, hindi ninyo Siya makikitang gumagamit ng mga pananaw, kaalaman, siyensya, pilosopiya o imahinasyon ng sangkatauhan para mapangasiwaan ang mga bagay-bagay. Sa halip, ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ibinubunyag ay may kaugnayan sa katotohanan. Ibig sabihin, bawat salitang sinabi Niya at bawat kilos na Kanyang ginawa ay may kaugnayan sa katotohanan. Ang katotohanang ito ay hindi nagmula sa ilang pantasyang walang basehan; ang katotohanang ito at mga salitang ito ay naipapahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang diwa at Kanyang buhay. Dahil ang mga salitang ito at ang diwa ng lahat ng ginawa ng Diyos ay katotohanan, maaari nating sabihin na ang diwa ng Diyos ay banal. Sa madaling sabi, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay nagbibigay ng sigla at liwanag sa mga tao, nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makita ang mga positibong bagay at ang realidad ng mga positibong bagay na iyon, at itinuturo ang daan sa sangkatauhan para makalakad sila sa tamang landas. Ang mga bagay na ito ay pinagpapasyahan lahat ng diwa ng Diyos at ng diwa ng Kanyang kabanalan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 146
Ang Tukso ni Satanas (Mga piling sipi)
Mateo 4:8–11 Muling Siyang dinala ng diyablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa Kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, at ang kaluwalhatian nila; At sinabi nito sa Kanya, “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa Iyo, kung Ikaw ay magpapatirapa at sasambahin Mo ako.” Nang magkagayo’y sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, Satanas: sapagkat nasusulat, ‘Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.’” Nang magkagayo’y iniwan Siya ng diyablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at Siya’y pinaglingkuran.
Ang diyablong si Satanas, na nabigo sa dalawang nakalipas na panlilinlang nito, ay sumubok na muli: Ipinakita nito ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito sa Panginoong Jesus at hinilingan Siyang sambahin ito. Ano ang nakikita mo sa mga tunay na katangian ng diyablo mula sa sitwasyong ito? Hindi ba tunay na walang kahihiyan ang diyablong si Satanas? (Oo.) Paano ito naging walang kahihiyan? Ang lahat ay nilikha ng Diyos, ngunit binaliktad ito ni Satanas at ipinapakita ang lahat ng bagay sa Diyos habang sinasabi ito, “Tingnan mo ang kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kahariang ito. Lahat ng ito ay ibibigay ko sa Iyo kung sasambahin Mo ako.” Hindi ba ito isang lubos na pagpapalitan ng papel? Hindi ba’t walang kahihiyan si Satanas? Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ngunit para ba iyon sa Kanyang sariling kasiyahan? Ibinigay ng Diyos ang lahat sa sangkatauhan, ngunit lahat ng ito ay gustong kunin ni Satanas at pagkakuha dito ay sinabi nito sa Diyos, “Sambahin Mo ako! Sambahin Mo ako at ibibigay ko sa Iyo ang lahat ng ito.” Ito ang pangit na mukha ni Satanas; ito ay tunay na walang kahihiyan! Hindi nga alam ni Satanas ang kahulugan ng salitang “kahihiyan.” Ito ay isa pang halimbawa ng kasamaan nito. Hindi man lang nito alam kung ano ang kahihiyan. Malinaw na alam ni Satanas na ang lahat ay nilikha ng Diyos at Siya ang namamahala nito at may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ay pag-aari ng Diyos, hindi ng tao, at lalong hindi kay Satanas, ngunit si Satanas na diyablo ay walang kahihiyan na sinabing ibibigay nito ang lahat sa Diyos. Hindi ba ito isa pang halimbawa na muling kumikilos si Satanas sa paraang kakatwa at walang kahihiyan? Lalong kinamumuhian ng Diyos si Satanas dahil dito, hindi ba? Ngunit anuman ang subukang gawin ni Satanas, nalinlang ba ang Panginoong Jesus? Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? (“Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.”) Mayroon bang praktikal na kahulugan ang mga salitang ito? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Nakikita natin ang pagiging masama at walang kahihiyaan ni Satanas sa pagsasalita nito. Kaya kung sinamba ng tao si Satanas, ano kaya ang magiging kahihinatnan? Makakatanggap kaya sila ng kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kaharian? (Hindi.) Ano ang kanilang matatanggap? Magiging kasing walang kahihiyan at kasing katawa-tawa ba sila gaya ni Satanas? (Oo.) Wala silang ipagkakaiba kung gayon kay Satanas. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito na mahalaga para sa bawat tao: “Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.” Nangangahulugan ito na maliban sa Panginoon, maliban sa Diyos Mismo, kung maglilingkod ka sa iba pa, kung sasambahin mo si Satanas na diyablo, kung gayon ay malulublob ka sa parehong karumihan gaya ng kay Satanas. Makikibahagi ka kung gayon sa kawalang kahihiyan at kasamaan ni Satanas, at kagaya lamang ni Satanas, tutuksuhin at sasalakayin mo ang Diyos. Kung gayon, ano ang iyong magiging kahihinatnan? Ikaw ay kamumuhian ng Diyos, pababagsakin ng Diyos, at wawasakin ng Diyos. Matapos mabigong tuksuhin ni Satanas ang Panginoong Jesus nang ilang beses, sumubok ba ito ulit? Hindi na sumubok ulit si Satanas at umalis na ito. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito ang likas na kasamaan ni Satanas, ang malisya nito, at ang pagiging kakatwa at kabaliwan nito ay hindi karapat-dapat na banggitin pa sa harap ng Diyos. Tinalo ng Panginoong Jesus si Satanas sa pamamagitan lamang ng tatlong pangungusap, matapos nito ay umalis ito na bahag ang buntot sa pagitan ng mga binti nito, labis na nahihiyang ipakita ang mukha nito, at hindi na kailanman nito muling tinukso ang Panginoong Jesus. Dahil napagtagumpayan na ng Panginoong Jesus ang panunuksong ito ni Satanas, madali na Niyang maipagpapatuloy ang gawain na kinailangan Niyang gawin at isagawa ang mga tungkuling nakaatang sa Kanya. Ang lahat ba ng ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus sa sitwasyong ito ay nagtataglay ng anumang praktikal na kahulugan para sa bawat tao kung ito ay isinasabuhay ngayon? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Ang pagtalo ba kay Satanas ay madaling gawin? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng malinaw na pagkaunawa sa likas na kasamaan ni Satanas? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng tiyak na pagkaunawa sa mga panunukso ni Satanas? (Oo.) Kapag naranasan mo ang mga panunukso ni Satanas sa iyong sariling buhay, at kung nakita mo ang likas na kasamaan ni Satanas, hindi mo ba ito makakayanang talunin? Kung alam mo ang pagiging kakatwa at hibang ni Satanas, mananatili ka pa rin ba sa panig ni Satanas at sasalakayin ang Diyos? Kung nauunawaan mo kung paano nabubunyag sa pamamagitan mo ang malisya at kawalang kahihiyan ni Satanas—kung malinaw mong nakikilala at nalalaman ang mga bagay na ito—tutuligsain at tutuksuhin mo pa rin ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi, hindi namin gagawin.) Ano ang inyong gagawin? (Maghihimagsik kami laban kay Satanas at isasantabi ito.) Iyon ba ay isang bagay na madaling gawin? Hindi ito madali. Para magawa ito, dapat ay magdasal ang mga tao nang madalas, dapat nilang ilagay nang madalas ang kanilang mga sarili sa harapan ng Diyos at suriin ang kanilang mga sarili. At dapat nilang hayaang dumapo sa kanila ang pagdidisiplina ng Diyos at ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan lamang dahan-dahang maiaalis ng mga tao ang kanilang mga sarili mula sa panlilinlang at pagkontrol ni Satanas.
Ngayon, sa pamamagitan ng pagtingin sa lahat ng salitang binigkas ni Satanas, ating lalagumin ang mga bagay na bumubuo sa diwa ni Satanas. Una, ang diwa ni Satanas sa pangkalahatan ay maaaring masabing masama, na taliwas sa kabanalan ng Diyos. Bakit Ko sinasabi na ang diwa ni Satanas ay masama? Upang masagot ang tanong na ito, dapat na suriin ng tao ang mga bunga ng mga ginawa ni Satanas sa mga tao. Ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas ang tao, at ang tao ay kumikilos sa ilalim ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at namumuhay sa mundo ng mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Ang sangkatauhan ay pagmamay-ari at naging bahagi ni Satanas nang hindi nila namamalayan; ang tao kung gayon ay mayroon nang tiwaling disposisyon ni Satanas, na siyang kalikasan ni Satanas. Mula sa lahat ng sinabi at ginawa ni Satanas, nakita mo ba ang kayabangan nito? Nakita mo ba ang panlilinlang at malisya nito? Paano pangunahing naipapakita ang kayabangan ni Satanas? Gusto ba lagi ni Satanas na sakupin ang posisyon ng Diyos? Palaging ninanais ni Satanas na wasakin ang gawain ng Diyos at ang posisyon ng Diyos at angkinin ito para sa sarili nito upang sundin, suportahan, at sambahin ng mga tao si Satanas; ito ang likas na kayabangan ni Satanas. Kapag ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, direkta ba nitong sinasabi sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin? Kapag tinutukso ni Satanas ang Diyos, lumalabas ba ito at sinasabing, “Tinutukso Kita, sasalakayin Kita”? Hinding-hindi nito talaga ginagawa ito. Kung gayon, anong pamamaraan ang ginagamit ni Satanas? Nang-aakit, nanunukso, sumasalakay, at naglalagay ito ng mga patibong, at sumisipi pa mula sa mga Kasulatan. Nagsasalita at kumikilos si Satanas sa iba’t ibang paraan upang makamit ang masasamang layunin at motibo nito. Matapos itong magawa ni Satanas, ano ang maaaring makita mula sa naipapamalas ng tao? Hindi ba’t nagiging mayabang rin ang mga tao? Nagdusa na ang tao mula sa katiwalian ni Satanas sa loob ng ilang libong taon, kaya naman naging mayabang, mapanlinlang, malisyoso, at hindi na makatwiran ang tao. Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari dahil sa kalikasan ni Satanas. Dahil ang kalikasan ni Satanas ay masama, nagbigay ito sa tao ng likas na kasamaan at nagdala sa tao ng masama at tiwaling disposisyon na ito. Kung gayon, namumuhay ang tao sa ilalim ng tiwali at satanikong disposisyon at, katulad ni Satanas, nilalabanan niya ang Diyos, sinasalakay ang Diyos, at tinutukso Siya, hanggang sa hindi na sumasamba sa Diyos ang tao at wala na itong puso na gumagalang sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 147
Paano Ginagamit ni Satanas ang Kaalaman Upang Gawing Tiwali ang Tao
Ang kaalaman ba ay itinuturing ng lahat na isang positibong bagay? Kahit paano, iniisip ng mga tao na ang salitang “kaalaman” ay nagpapahiwatig ng positibo kaysa negatibo. Kaya bakit natin binabanggit dito na gumagamit si Satanas ng kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Ang teorya ng ebolusyon ba ay isang aspeto ng kaalaman? Hindi ba’t ang mga batas ng siyensya ni Newton ay bahagi ng kaalaman? Ang paghila ng grabidad ng daigdig ay bahagi ng kaalaman, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, bakit inililista ang kaalaman na kasama sa mga bagay na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang sangkatauhan? Ano ang pananaw ninyo dito? Mayroon bang kahit katiting na katotohanan sa kaalaman? (Wala.) Kung gayon, ano ang diwa ng kaalaman? Sa anong basehan natututuhan ng tao ang lahat ng kaalamang kanyang napag-aaralan? Ito ba ay batay sa teorya ng ebolusyon? Hindi ba’t nakabatay sa ateismo ang kaalaman na natamo ng tao sa pamamagitan ng pagsisiyasat at pagbubuod? Mayroon bang kaugnayan sa Diyos ang alinman sa kaalamang ito? May kaugnayan ba ito sa pagsamba sa Diyos? Ito ba ay konektado sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Kasasabi Ko lang na walang anuman sa kaalamang ito ang kaugnay ng pagsamba sa Diyos o katotohanan. Ganito ito iniisip ng ilang tao: “Maaaring walang kinalaman sa katotohanan ang kaalaman, ngunit hindi pa rin nito ginagawang tiwali ang mga tao.” Ano ang inyong pananaw dito? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kaligayahan ng tao ay nakadepende sa malilikha gamit ang kanyang sariling mga kamay? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kapalaran ng tao ay nasa kanyang sariling mga kamay? (Oo.) Anong uri ng pagsasalita ito? (Ito ay mala-diyablong pagsasalita.) Tumpak na tumpak! Ito ay mala-diyablong pagsasalita! Kumplikadong paksa ang kaalaman kung tatalakayin. Maaari mong ipalagay na ang isang larangan ng kaalaman ay walang iba kundi kaalaman lamang. Iyon ay isang larangan ng kaalaman na natututuhan batay sa hindi pagsamba sa Diyos at kakulangan ng pagkaunawa na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Kapag pinag-aaralan ng mga tao ang ganitong uri ng kaalaman, hindi nila nakikita ang pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; hindi nila nakikita ang Diyos na namumuno o namamahala sa lahat ng bagay. Sa halip, ang tangi nilang ginagawa ay walang humpay na pananaliksik at pagsisiyasat sa larangang iyon ng kaalaman, at paghahanap ng mga kasagutan batay sa kaalaman. Gayunpaman, hindi ba’t kung hindi naniniwala ang mga tao sa Diyos at sa halip ay nagpapatuloy lamang sa pananaliksik, hindi sila kailanman makakahanap ng mga totoong kasagutan? Ang tanging maibibigay sa iyo ng kaalaman ay kabuhayan, trabaho, at kita upang hindi ka magutom; ngunit hindi ka nito kailanman pasasambahin sa Diyos, at hindi ka nito kailanman ilalayo sa kasamaan. Habang lalo pinag-aaralan ng mga tao ang kaalaman, lalo nilang nanaising magrebelde sa Diyos, upang isailalim ang Diyos sa kanilang pagsasaliksik, upang tuksuhin ang Diyos, at kalabanin ang Diyos. Kaya ngayon, ano ang ating nakikita na itinuturo ng kaalaman sa mga tao? Ang lahat ng ito ay pilosopiya ni Satanas. Mayroon bang kaugnayan sa katotohanan ang mga pilosopiya at mga panuntunan para patuloy na mabuhay na ikinakalat ni Satanas sa mga tiwaling tao? Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan at, sa katunayan, ito ay mga kabaligtaran ng katotohanan. Madalas sinasabi ng mga tao na “Ang buhay ay paggalaw” at “Ang tao ay bakal, ang kanin ay bakal, ang tao ay nakakaramdam ng pagkagutom kapag lumalaktaw siya ng pagkain”; ano ang mga kasabihang ito? Ang mga ito ay kasinungalingan, at nakakainis na marinig ang mga ito. Sa tinaguriang kaalaman ng tao, nagpakalat si Satanas ng marami-raming pilosopiya nito sa pamumuhay at sa pag-iisip. At habang ginagawa ito ni Satanas, pinahihintulutan nito ang tao na tanggapin ang pag-iisip, pilosopiya, at pananaw nito upang maaaring itanggi ng tao na mayroong Diyos, itanggi ang kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng tao. Kaya’t habang sumusulong ang pag-aaral ng tao at nagtatamo siya ng mas maraming kaalaman, nararamdaman niyang malabong mayroong Diyos at maaari pang hindi na niya maramdaman na mayroong Diyos. Dahil naikintal ni Satanas ang ilang kaisipan, pananaw, at haka-haka sa tao, kapag naikintal ni Satanas ang lason na ito sa kalooban ng tao, hindi ba niloko at ginawang tiwali ni Satanas ang tao? Kung gayo’y saan sa palagay mo naaayon ang pamumuhay ng tao? Hindi ba sila namumuhay ayon sa kaalaman at mga kaisipang ikinintal ni Satanas? At ang mga bagay na nakatago sa loob ng kaalaman at mga kaisipang ito—hindi ba mga pilosopiya at lason ni Satanas ang mga ito? Ang tao ay namumuhay ayon sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. At ano ang nasa kaibuturan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao? Nais ni Satanas na hikayatin ang tao na itatwa, salungatin, at labanan ang Diyos na tulad ng ginagawa nito; ito ang layunin ni Satanas sa pagtitiwali sa tao, at ito rin ang paraan ng pagtiwali ni Satanas sa tao.
Pag-uusapan muna natin ang pinakamababaw na aspeto ng kaalaman. Nagagawa bang tiwali ng gramatika at mga salita sa mga wika ang mga tao? Magagawa bang tiwali ng mga salita ang mga tao? Hindi ginagawang tiwali ng mga salita ang mga tao; ang mga ito ay kasangkapan na ginagamit ng mga tao upang magsalita at kasangkapan din ang mga ito na ginagamit ng mga tao upang makipag-ugnayan sa Diyos, dagdag pa rito na sa kasalukuyan, ang wika at mga salita ay paraan kung paano nakikipag-ugnayan ang Diyos sa mga tao. Ang mga ito ay kasangkapan, at ang mga ito ay pangangailangan. Ang isa kapag dinagdagan ng isa ay dalawa, at ang dalawa kapag minultiplika sa dalawa ay katumbas ng apat; hindi ba ito kaalaman? Ngunit maaari ka ba nitong gawing tiwali? Ito ay kaalamang alam ng marami—ito ay permanenteng tularan—kaya’t hindi nito kayang gawing tiwali ang mga tao. Kung gayon, anong uri ng kaalaman ang gumagawang tiwali sa mga tao? Ang kaalaman na nakakapagpatiwali ay iyong nahaluan ng mga pananaw at kaisipan ni Satanas. Sinisikap ni Satanas na ilagay ang mga pananaw at kaisipang ito sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaalaman. Halimbawa, sa isang artikulo, walang mali sa nakasulat na mga salita. Ang problema ay nasa mga pananaw at layon ng may-akda noong isinulat niya ang artikulo, pati na rin sa nilalaman ng kanyang mga kaisipan. Ang mga ito ay espirituwal na mga bagay at kayang gawing tiwali ang mga tao. Halimbawa, kung nanonood ka ng palabas sa telebisyon, anong mga bagay rito ang kayang makapagpabago ng pananaw ng mga tao? Iyon bang sinabi ng mga nagtanghal, ang mismong mga salita, ay magagawang tiwali ang mga tao? (Hindi.) Anong mga bagay ang magagawang tiwali ang mga tao? Iyon ay ang mga kaibuturang kaisipan at nilalaman ng palabas, na kumakatawan sa mga pananaw ng direktor. Ang impormasyong taglay ng mga pananaw na ito ay kayang baguhin ang mga puso at isip ng mga tao. Hindi ba ganoon iyon? Ngayon ay alam na ninyo kung ano ang Aking tinutukoy sa Aking pagtalakay ng paggamit ni Satanas ng kaalaman upang gawing tiwali ang mga tao. Hindi kayo magkakamali ng pagkaunawa, hindi ba? Kaya sa susunod na magbasa ka ng isang nobela o isang artikulo, magagawa mo bang suriin kung ang mga kaisipang ipinahayag sa nakasulat na mga salita ay ginagawang tiwali ang sangkatauhan o nag-aambag sa sangkatauhan? (Oo, bahagya.) Ito ay isang bagay na kailangang pag-aralan at maranasan nang dahan-dahan, hindi ito bagay na madaling maunawaan kaagad. Halimbawa, kapag nagsasaliksik o pinag-aaralan ang isang larangan ng kaalaman, ang ilang positibong aspeto ng kaalamang iyon ay maaari kang tulungang maintindihan ang ilang pangkalahatang kaalaman tungkol sa larangang iyon, habang tinutulutan ka ring malaman kung ano ang dapat iwasan ng mga tao. Halimbawa, tingnan natin ang “kuryente”—ito ay isang larangan ng kaalaman, hindi ba? Hindi ka ba mangmang kung hindi mo alam na makukuryente at masasaktan ng elektrisidad ang mga tao? Ngunit kapag naunawaan mo na ang larangang ito ng kaalaman, hindi ka na magiging walang-ingat sa paghawak ng anumang bagay na may kuryente, at malalaman mo na kung paano gumamit ng kuryente. Ang mga ito ay parehong positibong mga bagay. Nalinawan ka na ba tungkol sa ating tinatalakay kung paanong ginagawang tiwali ng kaalaman ang mga tao? Maraming uri ng kaalaman ang pinag-aaralan sa mundo, at dapat kayong gumugol ng oras upang makita ninyo mismo ang pagkakaiba ng mga ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 148
Paano Ginagamit ni Satanas ang Siyensya Upang Gawing Tiwali ang Tao
Ano ang siyensya? Hindi ba’t mataas at malalim ang turing ng lahat ng tao sa siyensya? Kapag nababanggit ang siyensya, hindi ba’t nararamdaman ng mga tao na: “Ito ay isang bagay na hindi maaabot ng mga karaniwang tao; ito ay isang paksang tanging mga siyentipikong mananaliksik o mga eksperto lamang ang makatatalakay; wala itong anumang kinalaman sa ating mga karaniwang tao”? Mayroon ba itong kaugnayan sa mga karaniwang tao? (Mayroon.) Paano ginagamit ni Satanas ang siyensya upang gawing tiwali ang mga tao? Sa ating pagtalakay dito, pag-uusapan lamang natin ang mga bagay na madalas makaharap ng mga tao sa kanilang sariling mga buhay, at isasantabi ang ibang mga bagay. Mayroong salitang “genes.” Narinig na ba ninyo ang tungkol dito? Pamilyar na kayong lahat sa terminong ito. Hindi ba’t natuklasan ang genes sa pamamagitan ng siyensya? Ano ba talaga ang kahalagahan ng genes sa mga tao? Hindi ba nito ipinaparamdam sa mga tao na ang katawan ay isang misteryosong bagay? Kapag ang mga tao ay ipinakilala sa paksang ito, hindi ba magkakaroon ng ilang tao—lalo na iyong mga mausisa—na magnanais na makaalam ng iba pa at ng karagdagan pang mga detalye? Itutuon ng mauusisang taong ito ang kanilang lakas sa paksang ito at kapag wala silang ibang ginagawa, maghahanap sila ng mga impormasyon mula sa mga aklat at mula sa internet upang matuto ng mas marami pang detalye ukol dito. Ano ang siyensya? Sa madaling sabi, ang siyensya ay ang mga kaisipan at mga teorya ng mga bagay na inuusisa ng tao, mga bagay na lingid sa kaalaman, at hindi sinabi sa kanila ng Diyos; ang siyensya ay ang mga kaisipan at mga teorya ng mga misteryo na nais siyasatin ng tao. Ano ang sakop ng siyensya? Maaari mong sabihin na malawak ito; sinasaliksik at pinag-aaralan ng tao ang lahat ng bagay na interesado siya. Kinapapalooban ang siyensya ng pananaliksik ng mga detalye at mga batas ng mga bagay na ito at ng pagpapalabas ng mga kapani-paniwalang teoryang nagsasanhi upang mag-isip ang lahat ng: “Ang mga siyentipikong ito ay talagang nakamamangha! Napakarami nilang alam, sapat na upang maunawaan ang mga bagay na ito!” Labis ang paghanga nila sa mga siyentipiko, hindi ba? Ano ang mga pananaw na tinataglay ng mga taong nagsasaliksik tungkol sa siyensya? Hindi ba’t nais nilang saliksikin ang tungkol sa sansinukob, saliksikin ang mga misteryosong bagay sa larangan na kinawiwilihan nila? Ano ang kalalabasan nito sa huli? Sa ilang larangan ng siyensya, binubuo ng mga tao ang kanilang mga konklusyon sa pamamagitan ng haka-haka, at sa iba naman ay umaasa sila sa karanasan ng tao para makabuo ng mga konklusyon. Sa iba pang larangan ng siyensya, humahantong sa kanilang mga konklusyon ang mga taong ito batay sa obserbasyong pangkasaysayan at pangkapaligiran. Hindi ba tama ito? Kaya ano ang nagagawa ng siyensya para sa mga tao? Ang nagagawa lamang ng siyensya ay pahintulutan ang mga tao na makita ang mga bagay sa pisikal na mundo, at bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa ng tao, ngunit hindi nito mabibigyang ng kakayahan ang tao na makita ang mga batas kung saan ay may kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng bagay. Tila nakakahanap ang tao ng mga kasagutan mula sa siyensya, ngunit ang mga kasagutang iyon ay nakalilito at nagdadala lamang ng panandaliang kasiyahan, kasiyahan na nagkukulong lamang sa puso ng tao sa pisikal na mundo. Nararamdaman ng tao na nakakuha sila ng mga kasagutan mula sa siyensya, kaya naman anumang usapin ang lumitaw, ginagamit nila ang kanilang mga siyentipikong pananaw para patunayan o tanggapin ang isyung iyon. Naaakit ng siyensya ang puso ng tao at ito ay naaangkin nito hanggang sa hindi na iniintindi ng tao na makilala ang Diyos, sambahin ang Diyos, at paniwalaan na ang lahat ng bagay ay nanggagaling sa Diyos at dapat na sa Kanya maghanap ang tao ng mga kasagutan. Hindi ba ito totoo? Habang lalong naniniwala ang isang tao sa siyensya, mas lalo silang nagiging kakatwa, naniniwalang ang lahat ay may siyentipikong solusyon, na lahat ay kayang lutasin ng pananaliksik. Hindi nila hinahanap ang Diyos at hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Maraming matagal nang mananampalataya sa Diyos na gagamit ng computer, kapag naharap sa anumang problema, para maghanap at magsaliksik para sa mga sagot; naniniwala lamang sila sa siyentipikong kaalaman. Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, hindi sila naniniwala na malulutas ng mga salita ng Diyos ang lahat ng problema ng sangkatauhan, hindi nila tinitingnan ang napakaraming problema ng sangkatauhan mula sa pananaw ng katotohanan. Anumang problema ang kanilang nakakaharap, hindi sila nagdarasal sa Diyos kailanman o naghahanap ng solusyon sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Sa maraming bagay, mas gusto nilang maniwala na kaalaman ang makakalutas sa problema; para sa kanila, ang siyensya ang huling sagot. Ganap na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Wala silang pananampalataya, at ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay hindi naiiba sa maraming kilalang guro at siyentipiko, na laging sumusubok na suriin ang Diyos gamit ang mga pamamaraan ng siyensya. Halimbawa, maraming eksperto sa relihiyon ang nakapunta na sa bundok kung saan napadpad ang arko, at sa gayon ay napatunayan nila na mayroon ngang arko. Ngunit hindi nila nakikita na mayroong Diyos sa paglitaw ng arko. Naniniwala lamang sila sa mga kuwento at sa kasaysayan; ito ang resulta ng kanilang siyentipikong pananaliksik at pag-aaral ng pisikal na mundo. Kung nagsasaliksik ka sa mga materyal na bagay, maging ito man ay mikrobiyolohiya, astronomiya, o heograpiya, hindi mo kailanman mahahanap ang isang resulta na nagsasabing umiiral ang Diyos o na mayroon Siyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang ginagawa ng siyensya para sa tao? Hindi ba nito inilalayo ang tao mula sa Diyos? Hindi ba ito nagsasanhi sa mga tao na isailalim sa pag-aaral ang Diyos? Hindi ba nito mas pinagdududa ang mga tao na mayroong Diyos at tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sa gayon ay itinatatwa at pinagtataksilan ang Diyos? Ito ang kinahinatnan. Kaya kapag ginagamit ni Satanas ang siyensya upang gawing tiwali ang tao, anong layunin ang sinisikap na makamit ni Satanas? Gusto nitong gamitin ang mga konklusyong siyentipiko upang linlangin at gawing manhid ang mga tao, at gamitin ang mga hindi tiyak na kasagutan upang mahawakan ang puso ng mga tao para hindi na sila maghanap pa o maniwala na mayroong Diyos. Ito ang dahilan kaya natin sinasabi na ang siyensya ay isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 149
Paano Ginagamit ni Satanas ang Tradisyunal na Kultura Upang Gawing Tiwali ang Tao
Marami ba o hindi ang mga bagay na itinuturing na bahagi ng tradisyunal na kultura? (Marami.) Ano ang kahulugan ng “tradisyunal na kulturang” ito? Sinasabi ng ilan na ito ay ipinamana ng mga ninuno—ito ay isang aspeto. Mula sa simula, ang mga pamamaraan ng pamumuhay, mga kaugalian, mga kasabihan, at mga alituntunin ay naipamana sa loob ng mga pamilya, mga katutubong grupo at maging sa buong sangkatauhan, at naitanim na sa kaisipan ng mga tao ang mga ito. Itinuturing ng mga tao na hindi maaaring mawala sa kanilang buhay ang mga ito at itinuturing nila ang mga ito bilang mga alituntunin, sinusunod na para bang ang mga ito ay ang buhay mismo. Sa katunayan, ayaw pa nga nilang baguhin o pabayaan ang mga bagay na ito, dahil ipinamana ang mga ito ng kanilang mga ninuno. Mayroong iba pang mga aspeto ng tradisyunal na kultura na nakatanim sa kabuto-butuhan ng mga tao, kagaya ng mga bagay na ipinamana nina Confucius at Mencius, at ang mga bagay na itinuro sa mga tao ng Taoismo at Confucianismo. Hindi ba ganoon iyon? Ano ang mga bagay na kabilang sa tradisyunal na kultura? Kasama ba rito ang mga kapistahan na ipinagdiriwang ng mga tao? Halimbawa: ang Pagdiriwang ng Tagsibol, ang Kapistahan ng mga Parol, Araw ng Paglilinis ng Puntod, ang Pista ng Bangkang Dragon, gayundin ang Kapistahan ng mga Multo at Pagdiriwang ng Kalagitnaan ng Taglagas. Ang ilang pamilya ay nagdiriwang pa nga kapag ang mga nakatatanda ay umabot sa isang partikular na edad, o kapag ang mga bata ay nakaabot na ng isang buwan o isang daang araw na gulang. At marami pa. Ang lahat ng ito ay tradisyunal na mga kapistahan. Wala bang tradisyunal na kulturang pinagbabatayan ang mga kapistahang ito? Ano ang kaibuturan ng tradisyunal na kultura? Mayroon ba itong anumang kaugnayan sa pagsamba sa Diyos? Mayroon ba itong anumang kinalaman sa pagsasabi sa mga tao na isagawa ang katotohanan? Mayroon bang anumang mga kapistahan para sa mga tao upang mag-alay ng sakripisyo sa Diyos, magtungo sa altar ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga turo? Mayroon bang ganitong mga kapistahan? (Wala.) Ano ang ginagawa ng mga tao sa lahat ng kapistahang ito? Sa modernong panahon, ang mga ito ay itinuturing na mga okasyon para sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya. Ano ang pinagmumulan ng pinagbabatayan ng tradisyunal na kultura? Kanino nanggaling ang tradisyunal na kultura? Ito ay mula kay Satanas. Sa likod ng mga tradisyunal na kapistahang ito, itinatanim ni Satanas ang ilang bagay-bagay sa tao. Ano ang mga bagay na ito? Ang pagtitiyak na natatandaan ng mga tao ang kanilang mga ninuno—ito ba ay isa sa mga ito? Halimbawa, sa Araw ng Paglilinis ng Puntod, naglilinis ang mga tao ng mga nitso at nag-aalay ng mga sakripisyo sa kanilang mga ninuno, upang hindi nila malimutan ang kanilang mga ninuno. Dagdag pa rito, sinisiguro ni Satanas na naaalala ng mga tao na maging makabayan, halimbawa na ang Pista ng Bangkang Dragon. Ano naman ang sa Pagdiriwang ng Kalagitnaan ng Taglagas? (Mga muling pagsasama-sama ng pamilya.) Ano ang mga pangyayari sa likod ng mga pagsasama-sama ng pamilya? Ano ang dahilan nito? Ito ay upang makipag-usap at emosyonal na makipag-ugnayan. Siyempre, maging ito man ay pagdiriwang ng Bagong Taon ng mga Tsino o ng Kapistahan ng mga Parol, maraming paraan ng paglalarawan ng mga dahilan sa likod ng mga pagdiriwang na ito. Paano man inilalarawan ng isang tao ang mga dahilan na iyon, ang bawat isa ay paraan ni Satanas ng pagtatanim ng pilosopiya at pag-iisip nito sa mga tao, upang lumayo sila sa Diyos at hindi na malaman na mayroong Diyos, at mag-alay sila ng mga sakripisyo sa kanilang mga ninuno o kay Satanas, o kumain, uminom, at magsaya para sa kapakanan ng pagnanasa ng laman. Habang ipinagdiriwang ang bawat isa sa mga kapistahang ito, ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas ay natatanim nang malalim sa isip ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Kapag umabot ang mga tao sa mga edad na apatnapu, limampu o higit pa, ang mga kaisipan at pananaw na ito ni Satanas ay nakaugat na nang malalim sa kanilang mga puso. Higit pa rito, ginagawa ng mga tao ang lahat ng magagawa nila upang maibahagi ang mga ideyang ito, tama man ito o mali, papunta sa susunod na henerasyon nang walang pasubali, nang walang pag-aatubili. Hindi ba ganoon iyon? (Oo.) Paano ginagawang tiwali ang mga tao ng tradisyunal na kultura at ng mga kapistahang ito? Alam ba ninyo? (Napipigilan ang mga tao at natatali ng mga alituntunin ng mga tradisyong ito hanggang wala na silang oras o lakas na hanapin ang Diyos.) Ito ay isang aspeto. Halimbawa, nagdiriwang ang lahat sa Bagong Taon ng mga Tsino—kung hindi mo ito ipinagdiwang, hindi ba’t malulungkot ka? Mayroon bang mga pamahiin na pinanghahawakan mo sa iyong puso? Maaari bang nararamdaman mong, “Hindi ako nagdiwang ng Bagong Taon, at dahil ang Bagong Taon ng mga Tsino ay hindi kanais-nais na araw para sa akin, hindi ba’t ang buong taon na ito ay hindi rin magiging maganda”? Hindi ba’t hindi ka mapapalagay at medyo matatakot? Mayroon pa ngang ilang tao na hindi nakagawa ng mga sakripisyo sa kanilang mga ninuno sa loob ng ilang taon at bigla silang nagkaroon ng panaginip kung saan ang isang namatay nang tao ay humihingi sa kanila ng salapi. Ano ang mararamdaman nila? “Nakakalungkot na ang namayapang taong ito ay nangangailangan ng salapi para gastusin! Magsusunog ako ng pera ng espiritu para sa kanya. Kapag hindi ko ginawa ito, hindi iyon magiging tama. Maaaring magdulot ito ng kaguluhan para sa ating nabubuhay—sino ang makapagsasabi kung kailan aatake ang kamalasan?” Palagi silang magkakaroon ng ganitong maliit na ulap ng takot at pangamba sa kanilang mga puso. Sino ang nagbibigay sa kanila ng pangambang ito? Si Satanas ang pinagmumulan ng pag-aalalang ito. Hindi ba ito ang isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao? Gumagamit ito ng iba’t ibang pamamaraan at pagdadahilan upang kontrolin ka, takutin ka, at igapos ka, nang sa gayon ay mahulog ka sa kalituhan at sumuko at magpasakop dito; ganito ginagawang tiwali ni Satanas ang tao. Kadalasan, kapag ang mga tao ay mahina o kapag wala silang lubos na kamalayan sa sitwasyon, maaari silang gumawa ng isang bagay nang hindi sinasadya sa paraang naguguluhan ang isip; ibig sabihin, hindi sinasadyang nahuhulog sila sa galamay ni Satanas at maaari silang kumilos nang hindi nila namamalayan, maaaring gumawa ng mga bagay nang hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa. Ito ang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Mayroon pa ngang marami-raming tao ngayon na nag-aatubiling humiwalay sa malalim na naka-ugat nang tradisyunal na kultura, na sadyang hindi kayang isuko ito. Kapag sila ay nanghihina at walang kibo ay mas lalo nilang nais na ipagdiwang ang ganitong mga uri ng kapistahan at nais nilang makatagpo si Satanas at pasayahing muli si Satanas, upang aliwin ang kanilang mga puso. Ano ang mga pangyayaring nasa likod ng tradisyunal na kultura? Ang itim na kamay ba ni Satanas ang kumokontrol ng mga ito nang palihim? Ang likas bang kasamaan ni Satanas ay mapagmanipula at mapagkontrol? May impluwensiya ba si Satanas sa lahat ng ito? (Oo.) Kapag namumuhay ang mga tao sa isang tradisyunal na kultura at nagdiriwang ng ganitong mga uri ng tradisyunal na kapistahan, maaari ba nating sabihin na ito ay isang kapaligiran kung saan sila ay nililinlang at ginagawang tiwali ni Satanas, at dagdag pa rito, na sila ay masaya na malinlang at magawang tiwali ni Satanas? (Oo.) Ito ay isang bagay na kinikilala ninyong lahat, isang bagay na alam ninyo.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 150
Paano Gumagamit si Satanas ng Pamahiin Upang Gawing Tiwali ang Tao
Paano gumagamit si Satanas ng pamahiin upang gawing tiwali ang tao? Nais ng lahat ng tao na malaman ang kanilang kapalaran, kaya’t sinasamantala ni Satanas ang kanilang pagkamausisa upang akitin sila. Ang mga tao ay nagpapahula, nagpapabasa ng kapalaran, at nagpapabasa ng mukha upang malaman nila kung ano ang mangyayari sa kanila sa hinaharap at kung ano ang hitsura ng daan paroon. Ngunit sa huli, nasa kaninong mga kamay ang kapalaran at hinaharap na labis na inaalala ng mga tao? (Sa mga kamay ng Diyos.) Ang lahat ng bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Sa paggamit ng mga pamamaraang ito, ano ang gusto ni Satanas na ipabatid sa mga tao? Nais ni Satanas na gamitin ang pagbabasa ng mukha at pagbabasa ng kapalaran upang sabihin sa mga tao na alam nito ang kanilang kapalaran sa hinaharap, at hindi lang nito alam ang mga ganitong bagay kundi ay kontrolado rin ang mga ito. Gustong samantalahin ni Satanas ang oportunidad na ito at gamitin ang mga pamamaraang ito upang kontrolin ang mga tao, kaya ang mga tao ay naglalagay ng bulag na paniniwala rito at sinusunod ang bawat salita nito. Halimbawa, kung nagpabasa ka ng iyong mukha, kung ipinikit ng manghuhula ang kanyang mga mata at sasabihin sa iyo ang lahat ng nangyari sa iyo sa nakalipas na huling ilang dekada nang may perpektong kalinawan, ano ang mararamdaman mo sa iyong kalooban? Agad mong mararamdaman na, “Tumpak na tumpak siya! Hindi ko kailanman ipinagsabi ang aking nakaraan sa kahit kanino, paano niya nalaman ang tungkol dito? Talagang hinahangaan ko ang manghuhulang ito!” Para kay Satanas, hindi ba napakadaling malaman ang iyong nakaraan? Inakay ka ng Diyos kung nasaan ka ngayon, at sa buong panahon na iyon ay ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao at sinusundan ka. Ang paglipas ng mga dekada ng iyong buhay ay wala lang kay Satanas at hindi mahirap para kay Satanas na malaman ang mga bagay na ito. Kapag nalaman mo na ang lahat ng sinasabi ni Satanas ay tumpak, hindi mo ba ibinibigay ang puso mo rito? Hindi ka ba umaasa na pamamahalaan nito ang iyong kinabukasan at kapalaran? Sa isang iglap, ang iyong puso ay makakaramdam ng kaunting respeto o paggalang dito, at para sa ilang tao, ang kanilang mga kaluluwa ay maaaring naagaw na nito sa puntong ito. At iyong tatanungin kaagad ang manghuhula: “Ano ang sunod na dapat kong gawin? Ano ang dapat kong iwasan sa susunod na taon? Anong mga bagay ang hindi ko dapat gawin?” At pagkatapos, sasabihin niya, “Hindi ka dapat pumunta roon, hindi mo dapat gawin ito, huwag magsuot ng mga damit na may isang partikular na kulay, dapat bawasan mo ang pagpunta sa mga partikular na lugar, dapat mong gawin nang mas madalas ang ilang bagay….” Hindi mo ba kaagad isasapuso ang lahat ng kanyang sinasabi? Makakabisa mo ang kanyang mga salita nang mas mabilis kaysa sa salita ng Diyos. Bakit mo makakabisa ang mga ito nang mabilis? Dahil gusto mo na umasa kay Satanas para sa suwerte. Hindi ba ito ang sandaling sinusunggaban nito ang iyong puso? Kapag sunud-sunod na nagkakatotoo ang mga hula nito, hindi mo ba gugustuhing bumalik dito upang malaman kung anong suwerte ang dadalhin ng susunod na taon? (Oo.) Gagawin mo ang kahit anong sabihin ni Satanas na gawin mo at iiwasan mo ang mga sinasabi nitong iwasan mo. Sa ganitong paraan, hindi mo ba sinusunod ang lahat ng sinasabi nito? Napakabilis mong mahuhulog sa yakap nito, malilinlang, at mapapasailalim sa kontrol nito. Nangyayari ito dahil pinaniniwalaan mo na totoo ang mga sinasabi nito at dahil pinaniniwalaan mong alam nito ang tungkol sa iyong mga dating buhay, ang iyong buhay sa kasalukuyan, at kung ano ang magiging hinaharap. Ito ang pamamaraang ginagamit ni Satanas upang makontrol ang mga tao. Ngunit sa realidad, sino ang tunay na mayroong kontrol? Ang Diyos Mismo ang may kontrol, hindi si Satanas. Gumagamit lamang si Satanas ng mga matalinong pandaraya sa pagkakataong ito upang linlangin ang mga ignoranteng tao, linlangin ang mga tao na nakikita lamang ang pisikal na mundo, na maniwala at umasa rito. Pagkatapos nahuhulog sila sa galamay ni Satanas at sinusunod ang bawat salita nito. Ngunit niluluwagan ba ni Satanas ang hawak nito kapag gusto ng mga tao na maniwala at sumunod sa Diyos? Hindi. Sa ganitong sitwasyon, ang mga tao ba ay talagang nahuhulog sa galamay ni Satanas? (Oo.) Maaari ba nating sabihin na ang pag-uugali ni Satanas sa bagay na ito ay walang kahihiyan? (Oo.) Bakit natin masasabi iyon? Dahil ang mga ito ay huwad at mapanlinlang na mga taktika. Walang kahihiyan si Satanas at nililigaw nito ang mga tao sa pag-iisip na ito ang kumokontrol ng lahat ng tungkol sa kanila at na kontrolado nito ang kanilang mismong kapalaran. Dahil dito ang mga taong mangmang ay lubusang sumusunod dito. Naloloko sila sa iilang salita lamang. Sa kanilang pagkalito, yumuyuko ang mga tao sa harap nito. Kung gayon, anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit ni Satanas, ano ang sinasabi nito upang mahimok ka na maniwala rito? Halimbawa, maaaring hindi mo nasabi kay Satanas kung ilan ang miyembro ng iyong pamilya, ngunit maaari pa rin nitong masabi sa iyo kung ilan sila, pati ang mga edad ng iyong mga magulang at mga anak. Bagama’t maaaring nagkaroon ka ng mga hinala at pagdududa kay Satanas bago ito, hindi mo ba mararamdaman na ito ay medyo kapani-paniwala matapos marinig itong sinasabi ang mga bagay na ito? Pagkatapos ay maaaring sabihin ni Satanas kung gaano ka nahihirapan sa trabaho mo kamakailan, na ang iyong mga superyor ay hindi ibinibigay sa iyo ang pagkilala na nararapat para sa iyo at lagi kang kinokontra, at iba pa. Matapos marinig iyon, iisipin mo, “Tamang-tama iyan! Hindi nga maayos ang takbo ng mga bagay-bagay sa trabaho.” Kaya lalo kang maniniwala kay Satanas. Pagkatapos ay magsasabi ito ng iba pang bagay upang linlangin ka, na lalong magpapaniwala sa iyo rito. Paunti-unti, matatagpuan mo ang iyong sarili na hindi na ito matanggihan o hindi na mapaghinala rito. Gumagamit lamang si Satanas ng kaunting walang kuwentang panlalansi, maging ng mabababaw na mumunting pandaraya, at nililito ka sa ganitong paraan. Habang nalilito ka, hindi mo makukuhang mag-isip nang maayos, maguguluhan ka sa kung ano ang dapat gawin, at magsisimula kang sumunod sa sinasabi ni Satanas. Ito ang “napakahusay” na pamamaraang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao, na nagiging sanhi ng hindi sinasadya mong pagkahulog sa patibong nito at maakit nito. Nagsasabi sa iyo si Satanas ng ilang bagay na inaakala ng mga tao na mabubuti, at saka sasabihin nito sa iyo kung ano ang gagawin at ano ang iiwasan. Sa ganitong paraan ka nalilinlang nang hindi mo nalalaman. Sa oras na mahulog ka rito, magiging mahirap na para sa iyo ang mga bagay-bagay; palagi mong iisipin ang sinabi ni Satanas at ano ang sinabi nitong gawin mo, at hindi mo mamamalayang nasasapian ka na nito. Bakit ganoon? Ito ay dahil nagkukulang ang sangkatauhan sa katotohanan kaya’t hindi nila magawang manindigan at lumaban sa panunukso at pang-aakit ni Satanas. Kapag nahaharap sa kasamaan ni Satanas at sa panlilinlang, pagtataksil, at malisya nito, napakamangmang ng sangkatauhan, wala sa kahustuhan ang isip at mahina, hindi ba? Hindi ba ito ay isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao? (Oo.) Ang tao ay paunti-unting nalilinlang at nadadaya nang hindi nila nalalaman, sa pamamagitan ng iba’t ibang mga pamamaraan ni Satanas, dahil kulang sila sa kakayahang makita ang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at ng negatibo. Kulang sila sa ganitong tayog, at sa kakayahang mapagtagumpayan si Satanas.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 151
Paano Ginagamit ni Satanas ang mga Kalakarang Panlipunan Upang Gawing Tiwali ang Tao
Kailan nagsimulang magkaroon ng mga kalakarang panlipunan? Ang mga ito ba ay bagong pangyayari? Maaaring sabihin na ang mga kalakarang panlipunan ay nauso noong nagsimula si Satanas na gawing tiwali ang mga tao. Ano ang saklaw ng mga kalakarang panlipunan? (Estilo ng pananamit at makeup.) Ito ay mga bagay na madalas na nakakaharap ng mga tao. Ang estilo ng pananamit, moda, at mga kalakaran—ang mga ito ay binubuo ang isang maliit na aspeto. Mayroon pa bang iba? Ang mga sikat na kasabihan bang madalas na inilalabas ng mga tao ay kasama rin? Ang mga estilo ba ng pamumuhay na ninanasa ng mga tao ay kasama? Ang mga bituin sa musika, sikat na personalidad, magasin, at nobela na gusto ng mga tao ay kasama ba? (Oo.) Sa inyong palagay, anong aspeto ng mga kalakarang panlipunan ang kayang gawing tiwali ang tao? Alin sa mga kalakarang ito ang pinaka-nakakaakit sa inyo? Sinasabi ng ilan: “Lahat tayo ay narating na ang partikular na edad, tayo ay nasa edad na limampu, animnapu, pitumpu, o walumpu, at hindi na natin kayang makibagay sa mga kalakarang ito at hindi na naaakit ang ating pansin ng mga ito.” Tama ba ito? Sinasabi ng iba: “Hindi namin sinusundan ang mga sikat na personalidad, iyon ay isang bagay na ginagawa lamang ng mga kabataan sa kanilang edad na dalawampu, hindi rin kami nagsusuot ng mga kasuotang sunod sa moda, iyon ay isang bagay na ginagawa ng mga mapag-alala sa kanilang imahe.” Alin sa mga ito ang kayang makapagpatiwali sa inyo? (Mga popular na kasabihan.) Kaya ba ng mga kasabihang ito na gawing tiwali ang mga tao? Magbibigay ako ng isang halimbawa, at tingnan ninyo kung kaya nitong gawing tiwali ang mga tao o hindi: “Pera ang nagpapaikot sa mundo”; ito ba ay isang kalakaran? Hindi ba ito mas masahol pa kumpara sa mga kalakaran sa moda at masasarap na pagkain na inyong binanggit? Pilosopiya ni Satanas ang “Pera ang nagpapaikot sa mundo.” Nangingibabaw ito sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? Marahil hindi nauunawaan ng mga tao ang kasabihang ito sa parehas na antas, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa kanilang mga sariling karanasan. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Gaano man karami ang karanasan ng isang tao sa kasabihang ito, ano ang negatibong epekto na maaaring maidulot nito sa puso ng isang tao? Nabubunyag ang isang bagay sa pamamagitan ng disposisyon ng mga tao sa mundong ito, kasama na ang bawat isa sa inyo. Ano ito? Ito ay pagsamba sa salapi. Mahirap bang alisin ito mula sa puso ng isang tao? Napakahirap nito! Tila sadyang napakalalim ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao! Ginagamit ni Satanas ang salapi upang tuksuhin ang mga tao, at tiwaliin silang sumamba sa salapi at ipagpitagan ang mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa salapi? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang manatiling buhay sa mundong ito nang walang salapi, na ang kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi ang mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming salapi? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa salapi? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao hanggang sa ganitong antas? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? Habang sumusulong ka mula sa pagtutol sa popular na kasabihang ito tungo sa pagtanggap dito bilang katotohanan sa huli, lubos na nahuhulog ang iyong puso sa kamay ni Satanas, at kung gayon ay naipapamuhay ang kasabihang ito nang hindi mo namamalayan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang kapangyarihang hangarin ito. Maaari mong malaman nang malinaw na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga, o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan at tadhana upang kalabanin ang Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, nauunawaan mo man kung gaano kalalim at kung gaano kadakila ang pagmamahal ng Diyos para sa iyo o hindi, mapagmatigas mo pa ring ipipilit ang sarili mong landas at babayaran ang halaga para sa kasabihang ito. Ibig sabihin, naloko at nakontrol na ng kasabihang ito ang iyong mga iniisip, nakontrol na nito ang iyong pag-uugali, at mas gusto mo pang hayaan itong pagharian ang iyong kapalaran kaysa isantabi mo ang iyong paghahangad na yumaman. Kayang kumilos ng mga tao nang ganoon, kaya silang kontrolin at manipulahin ng mga salita ni Satanas—hindi ba ibig sabihin nito ay naloko at nagawa na silang tiwali ni Satanas? Hindi pa ba nag-uugat ang pilosopiya at paraan ng pag-iisip ni Satanas, at ang disposisyon ni Satanas, sa puso mo? Kapag pikit-mata mong hinangad na yumaman, at tinalikdan mo ang paghahanap ng katotohanan, hindi ba nagtagumpay na si Satanas sa layunin nitong lokohin ka? Ito mismo ang nangyayari. Nadarama mo ba kapag niloloko at ginagawa kang tiwali ni Satanas? Hindi. Kung hindi mo nakikita si Satanas na nakatayo sa harap mo mismo, o nadarama na si Satanas iyon na kumikilos nang patago, makikita mo ba ang kasamaan ni Satanas? Malalaman mo ba kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ginagawang imposible ni Satanas na labanan ng tao ang katiwaliang ito at ginagawang walang-laban ang tao rito. Ipinatatanggap sa iyo ni Satanas ang mga kaisipan nito, ang mga pananaw nito, at ang masasamang bagay na nagmumula rito sa mga sitwasyon na hindi mo ito namamalayan at kapag hindi mo napapansin kung ano ang nangyayari sa iyo. Tinatanggap ng mga tao ang mga bagay na ito nang lubusan. Minamahal nila at pinanghahawakan ang mga bagay na ito na parang isang kayamanan, hinahayaan nila ang mga bagay na ito na manipulahin sila at paglaruan sila; ganito ang pamumuhay ng mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala silang malay na sinusunod nila si Satanas, at lalo pang lumalalim ang pagtitiwali ni Satanas sa tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 152
Ginagamit ni Satanas ang ilang pamamaraan na ito upang gawing tiwali ang tao. Mayroong kaalaman at pagkaunawa ang tao sa ilang prinsipyong siyentipiko, namumuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng tradisyunal na kultura, at ang bawat tao ay tagapagmana at tagapagkalat ng tradisyunal na kultura. Tiyak na ipagpapatuloy ng tao ang tradisyunal na kultura na ibinigay sa kanya ni Satanas, at sumasang-ayon ang tao sa mga kalakarang panlipunan na ibinibigay ni Satanas sa sangkatauhan. Ang tao ay di-maihihiwalay kay Satanas, nakikiisa sa lahat ng ginagawa ni Satanas sa lahat ng oras, tinatanggap ang kasamaan, panlilinlang, malisya, at pagmamataas nito. Noong taglayin ng tao ang mga disposisyon na ito ni Satanas, naging masaya ba siya o namimighati sa pamumuhay sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? (Namimighati.) Bakit mo sinasabi ito? (Dahil ang tao ay naitali at nakokontrol ng mga tiwaling bagay na ito, nabubuhay siya sa kasalanan at nilamon ng isang mahirap na pakikipagpunyagi.) Ang ilang tao ay nagsusuot ng salamin, na nag-aanyong napakarunong; maaaring kagalang-galang sila kung magsalita, na may kahusayan at katwiran, at dahil marami na silang pinagdaanan; maaaring talagang may karanasan at kakayahan sila. Maaari silang magsalita nang detalyado tungkol sa mga bagay na malalaki at maliliit; at maaari din nilang suriin ang pagiging tunay at sanhi ng mga bagay-bagay. Maaaring tumingin ang mga tao sa pag-uugali at kaanyuan ng mga taong ito, gayundin sa kanilang karakter, pagkatao, pagkilos, at iba pa, at hindi makahanap ng kamalian sa kanila. Ang mga taong gaya nito ay partikular na nakikiuso sa mga kasalukuyang kalakarang panlipunan. Kahit na maaaring mas matanda ang mga taong ito, hindi sila kailanman nahuli sa mga uso at hindi sila kailanman naging napakatanda na para matuto. Sa panlabas na anyo, walang makakahanap ng kamalian sa ganitong tao, ngunit hanggang sa diwa sa kalooban nila ay lubusan at ganap na silang ginawang tiwali ni Satanas. Bagama’t walang panlabas na kamaliang makita sa mga taong ito, bagama’t sa panlabas sila ay banayad, pino, nagtataglay ng kaalaman at tiyak na moralidad, at mayroon silang integridad, at hindi sila nahuhuli sa mga kabataan pagdating sa kaalaman, gayunman, kaugnay ng kanilang kalikasan at diwa, ang mga taong tulad nito ay tumpak at buhay na modelo ni Satanas; sila ay kawangis ni Satanas. Ito ang “bunga” ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao. Ang Aking mga sinabi ay maaaring maging masakit para sa inyo, ngunit totoo ang lahat ng ito. Ang kaalamang pinag-aaralan ng tao, ang siyensyang kanyang nauunawaan, at ang paraang kanyang pinipili para makibagay sa mga kalakarang panlipunan ay walang mintis na mga kagamitan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao. Talagang totoo ito. Kung gayon, namumuhay ang tao sa loob ng isang disposisyon na ginawang ganap na tiwali ni Satanas, at walang paraan ang tao para malaman kung ano ang kabanalan ng Diyos o ano ang diwa ng Diyos. Ito ay dahil sa panlabas na anyo, hindi ka makakahanap ng mali sa mga pamamaraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao; hindi mo masasabi mula sa ikinikilos ng isang tao na may anumang kakaiba. Ang lahat ay nagpapatuloy sa kanilang mga trabaho nang normal at namumuhay nang normal; nagbabasa sila ng mga libro at mga diyaryo nang normal, nag-aaral at nagsasalita sila nang normal. Ang ilan ay natuto ng moralidad at magaling magsalita, maunawain at palakaibigan, matulungin at mapagbigay, at hindi nakikipag-away tungkol sa maliliit na bagay o nananamantala ng ibang tao. Gayunpaman, ang kanilang mga tiwali at mala-Satanas na disposisyon ay nakaugat nang malalim sa kanilang kaibuturan at ang ganitong diwa ay hindi kayang baguhin sa pamamagitan ng pagdepende sa panlabas na gawa. Hindi kaya ng tao na malaman ang kabanalan ng Diyos dahil sa diwang ito, at kahit na ang diwa ng kabanalan ng Diyos ay ipinahayag sa tao, hindi ito sineseryoso ng tao. Ito ay dahil sa tuluyan nang naangkin ni Satanas ang mga nararamdaman, ideya, pananaw, at kaisipan ng tao sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Ang pagkaangkin at katiwaliang ito ay hindi pansamantala o paminsan-minsan, kundi ito ay umiiral kahit saan at sa lahat ng oras. Kaya maraming tao na naniniwala sa Diyos sa loob ng tatlo o apat na taon, o kahit pa lima o anim na taon, ang kumakapit pa rin sa masasamang kaisipan, pananaw, lohika, at pilosopiya na naitanim sa kanila ni Satanas na para bang ang mga ito ay kayamanan, at hindi nila mabitawan ang mga ito. Dahil tinanggap ng tao ang masama, hambog, at malisyosong mga bagay na mula sa kalikasan ni Satanas, hindi maiiwasang magkaroon madalas ng mga salungatan, pagtatalo at hindi pagkakatugma, na siyang resulta ng mapagmataas na kalikasan ni Satanas. Kung nagbigay si Satanas sa sangkatauhan ng mga positibong bagay—halimbawa, kung ang Confucianismo at Taoismo ng tradisyunal na kultura na tinanggap ng tao ay mabubuting bagay—magkakasundo dapat ang magkakaparehong uri ng tao matapos tanggapin ang mga bagay na iyon. Bakit kaya may malaking pagkakahati-hati sa pagitan ng mga tao na tumanggap ng magkakaparehong bagay? Bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga bagay na ito ay nagmula kay Satanas at lumilikha si Satanas ng pagkakahati-hati sa pagitan ng mga tao. Ang mga bagay na mula kay Satanas, kahit pa mukhang may dignidad o dakila ang mga iyon sa panlabas, ay nagdadala sa tao at nagpapalabas sa tao ng kayabangan, at wala nang iba kundi panlilinlang ng masamang kalikasan ni Satanas. Hindi ba tama iyon? Ang isang tao na kayang magpanggap, na nagtataglay ng kayamanan ng kaalaman, o mayroong magandang pagpapalaki ay mahihirapan pa ring itago ang kanyang tiwaling satanikong disposisyon. Ibig sabihin, ilang beses mang ikubli ng taong ito ang kanyang sarili, kahit na iniisip mo na siya ay santo, o kung naisip mo na siya ay perpekto, o kung naisip mo na siya ay isang anghel, gaano man kadalisay ang pag-aakala mo sa kanya, ano ang kanyang buhay sa likod ng mga eksenang ito? Anong diwa ang makikita mo sa pagbubunyag ng kanyang disposisyon? Walang duda na makikita mo ang masamang kalikasan ni Satanas. Maaari ba itong masabi? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating may kilala kayong isang tao na malapit sa iyo na inakala mo na isang mabuting tao, marahil isang tao na iyong inidolo. Sa iyong kasalukuyang tayog, ano ang iyong tingin sa kanya? Una, sinusuri mo kung mayroong pagkatao ang ganitong uri ng tao o wala, kung siya ay matapat, kung siya ay may tunay na pagmamahal para sa mga tao, kung ang kanyang mga salita at gawa ay nakakapagbigay benepisyo at nakatutulong sa iba. (Hindi.) Ano ang tinaguriang kabaitan, pagmamahal, o kabutihan na naibubunyag ng mga taong ito? Ang lahat ng ito ay huwad, ang lahat ng ito ay panlabas lamang. Sa likod ng mga ipinapakitang ito ay may isang natatagong masamang layon: upang ang taong iyon ay hangaan at idolohin. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? (Oo.)
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 153
Ano ang idinudulot sa sangkatauhan ng mga pamamaraang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao? Mayroon bang anumang positibong idinudulot ang mga ito? Una, kaya bang makita ng tao ang pagkakaiba ng mabuti at masama? Masasabi mo ba na sa mundong ito, maging ito man ay isang sikat o dakilang tao, o isang magasin o iba pang lathalain, tumpak ba ang ginagamit nilang mga pamantayan upang sabihing ang isang bagay ay mabuti o masama, at tama o mali? Patas ba ang kanilang pagtimbang sa mga pangyayari at mga tao? Mayroon bang katotohanan dito? Ang mundo bang ito, ang sangkatauhang ito, ay tumitimbang sa mga positibo at mga negatibong bagay batay sa pamantayan ng katotohanan? (Hindi.) Bakit walang ganoong kakayahan ang mga tao? Pinag-aralan na ng mga tao ang napakaraming kaalaman at marami nang alam tungkol sa siyensya, kaya’t marami na silang kakayahan, hindi ba? Kaya bakit hindi nila kayang makita ang pagkakaiba ng mga positibo at mga negatibong bagay? Bakit ganoon? (Dahil walang taglay na katotohanan ang mga tao; ang siyensya at kaalaman ay hindi katotohanan.) Ang lahat ng dinadala ni Satanas sa sangkatauhan ay masama, tiwali at walang katotohanan, buhay, at ang daan. Sa kasamaan at katiwaliang dinadala ni Satanas sa tao, masasabi mo bang mayroong pagmamahal si Satanas? Masasabi mo bang may pagmamahal ang tao? Maaaring sabihin ng ilang tao: “Mali ka, maraming tao sa buong mundo na tumutulong sa mga mahihirap o mga walang tirahan. Hindi ba mabubuting tao ang mga iyon? Mayroon ding mga organisasyong pangkawanggawa na gumagawa ng mabubuting gawain; hindi ba mabuting gawain ang kanilang ginagawa?” Ano ang masasabi mo tungkol doon? Gumagamit si Satanas ng maraming iba’t ibang pamamaraan at teorya upang gawing tiwali ang tao; ang katiwalian bang ito ng tao ay isang malabong konsepto? Hindi, ito ay hindi malabo. Gumagawa rin si Satanas ng ilang praktikal na bagay, at ito ay nagtataguyod din ng isang pananaw o teorya sa mundong ito at sa lipunan. Sa bawat dinastiya at sa bawat kapanahunan, ito ay nagtataguyod ng isang teorya at nagtatanim ng mga kaisipan sa mga tao. Ang mga kaisipan at teoryang ito ay unti-unting nag-uugat sa puso ng mga tao, at pagkatapos ay nagsisimula ang mga tao na mamuhay ayon sa mga ito. Sa oras na nagsimula na silang mamuhay ayon sa mga ganitong bagay, hindi ba sila nagiging si Satanas nang hindi nila alam? Hindi ba ang mga tao ay nagiging kaisa ni Satanas? Kapag ang mga tao ay naging kaisa na ni Satanas, ano ang kanilang nagiging ugali tungo sa Diyos sa katapusan? Hindi ba iyon kapareho ng ugali na mayroon si Satanas tungo sa Diyos? Walang sinuman ang nangangahas na aminin ito, tama? Nakakatakot ito! Bakit Ko sinasabing ang likas ni Satanas ay masama? Hindi Ko ito sinasabi nang walang basehan; bagkus, ang likas ni Satanas ay natutukoy at nasusuri batay sa kung ano ang ginawa nito at sa mga bagay na ibinunyag nito. Kung sinabi Ko lamang na si Satanas ay masama, ano ang inyong iisipin? Iisipin ninyo, “Halata namang si Satanas ay masama.” Kaya tatanungin kita: “Anong mga aspeto ni Satanas ang masama?” Kung iyong sasabihing: “Ang paglaban ni Satanas sa Diyos ay masama,” hindi ka pa rin nagsasalita nang may kalinawan. Ngayong nasabi Ko na ang mga tiyak na bagay sa ganitong paraan, mayroon ba kayong pagkaunawa tungkol sa tiyak na nilalaman ng diwa ng kasamaan ni Satanas? (Oo.) Kung malinaw ninyong nakikita ang masamang kalikasan ni Satanas, makikita ninyo ang sarili ninyong mga kalagayan. Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng dalawang ito? Nakakatulong ba ito sa inyo o hindi? (Nakakatulong.) Kapag Ako ay nagbabahagi tungkol sa diwa ng kabanalan ng Diyos, kinakailangan ba na magbahagi Ako tungkol sa masamang diwa ni Satanas? Ano ang inyong opinyon tungkol dito? (Oo, ito ay kinakailangan.) Bakit? (Mas nakikita ang kabanalan ng Diyos dahil sa kasamaan ni Satanas.) Ganito ba ito? Ito ay bahagyang tama dahil kung wala ang kasamaan ni Satanas, hindi malalaman ng mga tao na ang Diyos ay banal; tamang sabihin ito. Gayunman, kung sasabihin mo na ang kabanalan ng Diyos ay umiiral lamang dahil kabaligtaran ito ng kasamaan ni Satanas, tama ba ito? Mali ang diyalektikong paraan ng pag-iisip na ito. Ang kabanalan ng Diyos ay ang likas na diwa ng Diyos; kahit na ibinubunyag ito ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa, ito ay likas na pagpapahayag pa rin ng diwa ng Diyos at ito ay likas na diwa pa rin ng Diyos; umiiral na ito noon pa man at ito ay likas at katutubo sa Diyos Mismo, bagama’t hindi ito nakikita ng tao. Ito ay dahil sa namumuhay ang tao sa gitna ng tiwaling disposisyon ni Satanas at sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at hindi alam ng tao ang tungkol sa kabanalan, at lalo na ang tungkol sa tiyak na nilalaman ng kabanalan ng Diyos. Kaya naman, kinakailangan ba nating magbahagi muna tungkol sa masamang diwa ni Satanas? (Oo, kailangan nga.) Maaaring magpahayag ang ilang tao ng ilang pagdududa: “Ikaw ay nagbabahagi tungkol sa Diyos Mismo, kaya bakit lagi Kang nagsasalita tungkol sa kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao at kung gaano kasama ang likas ni Satanas?” Ngayon, kinalimutan mo na ang mga pagdududang ito, hindi ba? Kapag ang mga tao ay mayroong pagkakilala ng kasamaan ni Satanas at kapag sila ay may tumpak na pakahulugan dito, kapag nakikita nang malinaw ng mga tao ang tiyak na nilalaman at pagpapakita ng kasamaan, ang pinagmumulan at ang diwa ng kasamaan, saka lamang, sa pagtatalakay ng kabanalan ng Diyos, malinaw na mapagtatanto o makikilala ng mga tao kung ano ang kabanalan ng Diyos, kung ano ang kabanalan. Kung hindi Ko tatalakayin ang kasamaan ni Satanas, maling paniniwalaan ng ilang tao na ang ilang ginagawa ng mga tao sa lipunan at sa gitna ng mga tao—o ilang bagay sa mundong ito—ay maaaring may kaugnayan sa kabanalan. Hindi ba mali ang pananaw na ito? (Oo.)
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 154
Ginagamit ni Satanas ang Kaalaman Upang Gawing Tiwali ang Tao, at Ginagamit Nito ang Kasikatan at Pakinabang Upang Kontrolin ang Tao (Piling sipi)
Sa limang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao, ang una nating nabanggit ay ang kaalaman, kaya unahin natin ang kaalaman bilang paksa ng ating pagbabahagi. Ginagamit ni Satanas ang kaalaman bilang pain. Makinig nang maigi: Ang kaalaman ay isang uri lamang ng pain. Ang mga tao ay inuudyukang mag-aral nang mabuti at pagbutihin ang kanilang mga sarili araw-araw, upang gawing armas ang kaalaman at gawin itong kanilang sandata, at pagkatapos ay gamitin ang kaalaman upang mabuksan ang pintuang-daan sa siyensiya; sa madaling salita, habang lalong mas maraming kaalaman ang iyong matamo, mas lalo kang makauunawa. Sinasabi ni Satanas ang lahat ng ito sa mga tao; sinasabi nito sa mga tao na pagyamanin din ang matatayog na mithiin habang sila ay natututo ng kaalaman, tinuturuan sila na magkaroon ng mga ambisyon at mga mithiin. Lingid sa kaalaman ng mga tao, si Satanas ay nagpapahatid ng maraming mensaheng tulad nito, na nagiging dahilan upang maramdaman ng mga tao nang hindi namamalayan na ang mga bagay na ito ay tama, o kapaki-pakinabang. Walang kaalam-alam, tumatahak ang mga tao sa landas na ito, walang kamalay-malay na inaakay pasulong ng kanilang sariling mga mithiin at mga ambisyon. Sa paisa-isang hakbang, di-sinasadyang natututuhan ng mga tao mula sa kaalamang bigay ni Satanas ang paraan ng pag-iisip ng mga dakila o bantog na mga tao. Natututuhan din nila ang ilang bagay mula sa mga gawa ng mga taong itinuturing na mga bayani. Ano ang itinataguyod ni Satanas para sa tao sa mga gawa ng mga bayaning ito? Ano ang nais nitong ikintal sa tao? Na ang tao ay dapat maging makabayan, magkaroon ng pambansang katapatan, at maging magiting sa espiritu. Ano ang natutuhan ng tao mula sa mga makasaysayang kuwento o mula sa mga talambuhay ng magigiting na tao? Na magkaroon ng damdamin ng pansariling katapatan, maging handang gumawa ng anumang bagay para sa mga kaibigan at kapatid niya. Sa loob ng kaalamang ito ni Satanas, walang kaalam-alam na natututuhan ng tao ang maraming bagay na hindi positibo. Sa gitna ng kawalang-malay ng tao, ang mga binhi na inihanda para sa kanila ni Satanas ay naitatanim sa kanilang mga isip na wala pa sa gulang. Ipinadadama ng mga binhing ito sa kanila na dapat silang maging mga dakilang tao, na dapat maging bantog, na dapat maging mga bayani, na maging makabayan, maging mga tao na nagmamahal sa kanilang mga pamilya, at maging mga tao na gagawin ang anuman para sa isang kaibigan at magkaroon ng isang diwa ng pansariling katapatan. Dahil nasulsulan ni Satanas, sila ay walang kaalam-alam na tinatahak ang daan na inihanda nito para sa kanila. Habang tinatahak nila ang daang ito, napipilitan silang tanggapin ang mga patakaran ng pamumuhay ni Satanas. Ganap na walang malay, bumubuo sila ng sarili nilang mga patakaran ng pamumuhay, ngunit ang mga ito ay walang iba kundi ang mga patakaran ni Satanas na sapilitang itinanim sa kanila. Sa panahon ng proseso ng pagkatuto, ipinatataguyod sa kanila ni Satanas ang kanilang sariling mga layon, na pagpasyahan ang kanilang sariling mga layunin sa buhay, mga patakaran ng pamumuhay, at direksyon sa buhay, habang itinatanim sa isip nila ang mga bagay ni Satanas, na ginagamit ang mga kuwento, mga talambuhay, at lahat ng paraang posible upang akitin ang mga tao, unti-unti, hanggang kagatin nila ang pain. Sa ganitong paraan, habang nasa kalagitnaan ng kanilang pagkatuto, nagkakagusto ang ilan sa panitikan, ang ilan sa ekonomiya, ang ilan sa astronomiya o heograpiya. Saka mayroong ilan na nagugustuhan ang pulitika, may ilan na gusto ang pisika, ilan ay kemika, at ang ilan pang gusto ang teolohiya. Ang lahat ng ito ay bahagi ng mas malaking kabuuhan na siyang kaalaman. Sa inyong mga puso, nalalaman ng bawat isa sa inyo kung tungkol talaga saan ang mga bagay na ito, bawat isa sa inyo ay nagkaroon na ng ugnayan sa mga ito noong nakaraan. Sinuman sa inyo ay maaaring mangusap nang walang katapusan tungkol sa isa o sa iba pa sa mga sangay na ito. Kaya malinaw kung paanong nakapasok nang husto ang kaalamang ito sa isip ng tao, malinaw ang posisyon na sinasakop ng kaalamang ito sa mga isip ng tao at kung gaano kalalim ang epekto nito sa kanila. Kapag nagustuhan ng isang tao ang isang aspeto ng kaalaman, kapag umibig nang husto ang isang tao rito, nakabubuo sila ng mga mithiin nang hindi namamalayan: Ang ilang tao ay nagnanais na maging mga may-akda, ang ilan ay nagnanais maging mga manunulat, ang ilan ay nagnanais na gawing karera ang pulitika, at ang ilan ay nagnanais na makibahagi sa ekonomiya at maging mga negosyante. At mayroon ding isang grupo ng mga tao na nagnanais maging mga bayani, maging dakila o bantog. Kahitpaman anong uri ng tao ang ninanais maging ng sinuman, ang kanilang layunin ay ang kunin ang paraang ito ng pagkatuto ng kaalaman at gamitin ito para sa sarili nilang mga layunin, upang matupad ang kanilang sariling mga hangarin, kanilang sariling mga mithiin. Gaano man ito kagandang pakinggan—nais man nilang makamit ang kanilang mga pangarap, ang huwag aksayahin ang kanilang buhay, o magkaroon ng matagumpay na buhay—itinataguyod nila ang matatayog na mithiin at mga ambisyong ito, ngunit, sa totoo lang, para sa ano ang lahat ng ito? Naisip na ba ninyo ang katanungang ito dati? Bakit ganito kumilos si Satanas? Ano ang layunin ni Satanas sa pagtatanim ng mga bagay na ito sa tao? Ang inyong mga puso ay dapat maging malinaw sa tanong na ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 155
Ginagamit ni Satanas ang Kaalaman Upang Gawing Tiwali ang Tao, at Ginagamit Nito ang Kasikatan at Pakinabang Upang Kontrolin ang Tao (Mga piling sipi)
Sa proseso ng pagkatuto ng tao ng kaalaman, ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang indibidwal na piraso ng kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na masapatan ang kanilang mga kagustuhan o ambisyon. Sa anong daan ka nais akayin ni Satanas? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na natural. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtaguyod ng matatayog na mithiin o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga hangarin, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Hindi ba mas maluwalhating paraan para sa mga tao na mabuhay kung matatanto nila ang kanilang sariling mga mithiin o matagumpay na makapagtatag ng isang karera sa kanilang buhay? Sa paggawa ng mga bagay na ito, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno bagkus ay maaari ring mag-iwan ng isang tatak sa kasaysayan—hindi ba ito isang mabuting bagay? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayunpaman, kasama ang masasamang motibo nito, ay dinadala lang ang mga tao sa ganitong uri ng daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawa’t tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “katanyagan” at “pakinabang.” Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at sa ganoon nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa “katanyagan” at “pakinabang”. Sinumang dakila o tanyag na tao—lahat ng tao, sa katunayan—anumang bagay na sinusunod nila sa buhay ay nauugnay lamang sa dalawang salitang ito: “katanyagan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng katanyagan at pakinabang, maaari na nila kung gayong samantalahin ang mga ito upang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang masiyahan sa buhay. Iniisip nila na ang katanyagan at pakinabang ay mga uri ng puhunan na maaari nilang gamitin upang magkamit ng isang buhay na mapaghanap-ng-kaluguran at walang-pakundangan sa pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito na iniimbot ng sangkatauhan, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, mga isip, at lahat ng mayroon sila, ang kanilang kinabukasan at kanilang mga tadhana, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang wala ni isang sandali ng pag-aatubili, kailanman ay mangmang sa pangangailangan na mabawi ang lahat ng naibigay na nila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling manganlong sila kay Satanas sa ganitong paraan at maging tapat dito? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila rin ay ganap at lubos na nalublob sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa katanyagan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang maliwanag, ang matuwid, o ang mga bagay na maganda at mabuti. Ito ay dahil sa ang nakatutuksong kapangyarihan na mayroon ang katanyagan at pakinabang sa mga tao ay napakalaki; at ang mga ito ay nagiging mga bagay para hangarin ng mga tao sa buong buhay nila at maging sa walang hanggan nang walang katapusan. Hindi ba ito totoo? Ilang tao ang magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay katulad lamang ng pagbabasa ng mga aklat o pagkatuto ng ilang bagay na hindi pa nila alam upang hindi mahuli sa mga panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay sila ng pagkain sa hapag, para sa kanilang sariling kinabukasan, o para sa pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagpapakahirap ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa katanyagan at pakinabang. Ang katanyagan at pakinabang ay naghihintay sa hinaharap para sa kanila, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang nila masusundan ang daan na magdadala sa kanila sa katanyagan at pakinabang. Ang nasabing tao ay dapat pagdusahan ang mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling hinaharap na landas, para sa kanilang hinaharap na kasiyahan at upang magkamit ng mas magandang buhay. Ano naman kaya ang kaalamang ito—maaari ba ninyong sabihin sa Akin? Hindi ba ito ang mga panuntuan at pilosopiya sa buhay na ikinikintal ni Satanas sa tao, tulad ng “Mahalin ang Partido, mahalin ang bayan, at mahalin ang iyong relihiyon” at “Ang isang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon”? Hindi ba ito ang “matatayog na mithiin” ng buhay na ikinintal sa tao ni Satanas? Gaya halimbawa, ang mga ideya ng mga dakilang tao, ang integridad ng mga sikat o matatapang na espiritu ng mga bayani, o ang pagkamaginoo at kabaitan ng mga bida at mga eskrimador sa mga nobela ng sining ng pakikipaglaban—hindi ba ang lahat ng ito ay paraan kung saan ikinikintal ni Satanas ang mga mithiing ito? Ang mga ideyang ito ay nakakaimpluwensya sa sali’t salinlahi, at nahihikayat ang mga tao ng bawat henerasyon na tanggapin ang mga ideyang ito. Palagi silang nagpapakahirap sa paghahangad na magtamo ng “matatayog na mithiin” na isasakripisyo pa nila ang kanilang buhay para doon. Ito ang kaparaanan at diskarte kung saan gumagamit si Satanas ng kaalaman para gawing tiwali ang mga tao. Kaya matapos akayin ni Satanas ang mga tao sa landas na ito, nagagawa ba nilang sundin at sambahin ang Diyos? At nagagawa ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan? Talagang hindi—dahil nailigaw na sila ni Satanas. Tingnan nating muli ang kaalaman, mga kaisipan, at mga opinyon na ikinintal ni Satanas sa mga tao: Nasa mga bagay na ito ba ang mga katotohanan ng pagsunod sa Diyos at pagsamba sa Diyos? Naroon ba ang mga katotohanan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Naroon ba ang anuman sa mga salita ng Diyos? Mayroon bang anuman sa mga iyon na may kaugnayan sa katotohanan? Wala talaga—walang-wala ang mga bagay na ito. Matitiyak mo ba na hindi naglalaman ng katotohanan ang mga bagay na ikinintal ni Satanas sa mga tao? Hindi ka nangangahas—ngunit hindi mahalaga iyon. Hangga’t nakikilala mo na ang “katanyagan” at “pakinabang” ay ang dalawang susing salita na ginagamit ni Satanas upang akitin ang mga tao sa landas ng kasamaan, sapat na kung gayon.
Suriin natin sandali ang mga napag-usapan natin hanggang ngayon: Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Katanyagan at pakinabang.) Kaya, ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na hindi mabubuhay ang tao kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layunin, na magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mapapansin ninyong lahat na ang katanyagan at pakinabang ay malalaking kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Pagdating ng oras na nais mong iwaksi ang lahat ng bagay na naikintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 156
Ginagamit ni Satanas ang Siyensya Upang Gawing Tiwali ang Tao
Ginagamit ni Satanas ang pangalan ng siyensya upang bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa ng tao, ang pagnanais ng tao na saliksikin ang siyensya at siyasatin ang mga hiwaga. Sa ngalan ng siyensya, binibigyang-kasiyahan ni Satanas ang materyal na mga pangangailangan ng tao at kahilingan ng tao na patuloy na iangat ang kalidad ng kanilang buhay. Sa gayon, sa kadahilanang ito ginagamit ni Satanas ang siyensya upang gawing tiwali ang tao. Ang pag-iisip o isipan lamang ba ng tao ang ginagawang tiwali ni Satanas gamit ang siyensya sa ganitong paraan? Sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa ating paligid na nakikita at nakakasalamuha natin, alin pa sa mga ito ang ginagawang tiwali ni Satanas gamit ang siyensya? (Ang likas na kapaligiran.) Tama. Tila labis kayong nasaktan nito, at labis na naapektuhan. Maliban sa paggamit ng lahat ng iba’t ibang tuklas at konklusyon ng siyensya upang linlangin ang tao, ginagamit din ni Satanas ang siyensya bilang isang kaparaanan upang wasakin at pagsamantalahan nang walang pakundangan ang tirahang kapaligirang bigay ng Diyos sa tao. Ginagawa ito ni Satanas sa ilalim ng kadahilanan na kung nagsasagawa ang tao ng siyentipikong pananaliksik, ang tirahang kapaligiran ng tao at ang kalidad ng buhay ay patuloy na aangat, at bukod pa riyan ay na ang layunin ng siyentipikong pag-unlad ay upang ilaan ang patuloy na materyal na mga pangangailangan ng tao na dumarami araw-araw at ang pangangailangan nilang patuloy na iangat ang kalidad ng kanilang buhay. Ito ang teoretikal na batayan ng pagpapaunlad ni Satanas sa siyensya. Gayunman, ano ang naidulot ng siyensya sa sangkatauhan? Ang kapaligiran bang tinitirhan natin—at ang kapaligirang tinitirhan ng buong sangkatauhan—ay hindi pa narumihan? Hindi pa ba narumihan ang hanging nilalanghap ng tao? Hindi pa ba narumihan ang tubig na iniinom natin? Organic at natural pa rin ba ang pagkaing kinakain natin? Karamihan sa mga butil at gulay ay genetically modified, napalago ang mga ito gamit ang pataba, at ang ilan ay mga variant na nilikha gamit ang siyensya. Hindi na natural ang mga gulay at prutas na kinakain natin. Kahit ang likas na mga itlog ay hindi na madaling matagpuan, at hindi na gaya ng dati ang lasa ng mga itlog, dahil naiproseso na ng tinatawag ni Satanas na siyensya. Kung titingnan ang buong sitwasyon, nawasak at narumihan na ang buong kapaligiran; ang mga kabundukan, lawa, kagubatan, ilog, karagatan, at lahat ng nasa ibabaw at ilalim ng lupa ay nasira nang lahat ng tinatawag na mga tagumpay ng siyensya. Sa madaling salita, ang buong likas na kapaligiran, ang tirahang kapaligirang bigay ng Diyos sa sangkatauhan, ay nawasak at nasira na ng tinatawag na siyensya. Bagama’t nakamit na ng maraming tao ang inaasam nila noon pa man pagdating sa kalidad ng buhay na hinahangad nila, na binibigyang-kasiyahan kapwa ang kanilang mga naisin at ang kanilang laman, ang kapaligirang tinitirhan ng tao ay talagang nawasak at nasira na ng iba’t ibang “mga tagumpay” na dulot ng siyensya. Ngayon, wala na tayong karapatang huminga ng isang hinga ng malinis na hangin. Hindi ba ito ang dalamhati ng sangkatauhan? Mayroon pa bang masasabing anumang kaligayahang natitira para sa tao, kung kailangan nilang manirahan sa ganitong uri ng espasyo? Ang espasyo at tirahang kapaligirang ito kung saan nabubuhay ang tao, simula’t sapul, ay nilikha ng Diyos para sa tao. Ang tubig na iniinom ng mga tao, ang hanging nilalanghap ng mga tao, ang iba’t ibang pagkaing kinakain ng mga tao, gayundin ang mga halaman at mga buhay na nilalang, at kahit ang mga kabundukan, lawa, at karagatan—bawat bahagi ng tirahang kapaligirang ito ay bigay ng Diyos sa tao; ito ay likas, gumagana alinsunod sa isang likas na batas na inilatag ng Diyos. Kung wala ang siyensya, susundin pa rin ng mga tao ang mga pamamaraang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, matatamasa nila ang lahat ng malinis at natural, at magiging maligaya sila. Gayunman, lahat ng ito ay nawasak at nasira na ngayon ni Satanas; ang pangunahing tinitirhang espasyo ng tao ay hindi na malinis. Ngunit walang sinumang nakapapansin kung ano ang nagsanhi nito o kung paano ito nangyari, at mas marami pang tao ang gumagamit ng siyensya at inuunawa ito gamit ang mga ideyang ikinintal sa kanila ni Satanas. Hindi ba ito labis na kasuklam-suklam at kaawa-awa? Ngayong nakuha na ni Satanas ang espasyo kung saan namumuhay ang sangkatauhan, gayundin ang kanilang tirahang kapaligiran, at ginawa silang tiwali sa ganitong kalagayan, at sa patuloy na pagsulong ng sangkatauhan sa ganitong paraan, kailangan pa bang personal na puksain ng Diyos ang mga taong ito? Kung patuloy na uunlad ang mga tao sa ganitong paraan, anong direksyon ang tatahakin nito? (Lilipulin sila.) Paano sila lilipulin? Bukod pa sa sakim na paghahanap ng mga tao sa katanyagan at pakinabang, patuloy silang nagsasagawa ng pagtuklas sa siyensya at nagsasaliksik nang husto, at pagkatapos ay walang-tigil na kumikilos sa isang paraan na nagbibigay-kasiyahan sa kanilang sariling materyal na mga pangangailangan at pagnanasa; ano kung gayon ang mga kahihinatnan ng tao? Una sa lahat, sira na ang balanse ng ekolohiya, at kapag nangyari ito, ang katawan ng mga tao, ang kanilang mga organ sa loob ng kanilang katawan, ay nabahiran at napinsala ng di-balanseng kapaligirang ito, at ang iba’t ibang nakahahawang mga sakit at salot ay lumaganap sa buong mundo. Hindi ba totoo na isang sitwasyon ito ngayon na walang kontrol ang tao? Ngayong nauunawaan na ninyo ito, kung hindi sinusunod ng sangkatauhan ang Diyos, kundi palaging sinusunod si Satanas sa ganitong paraan—na ginagamit ang kaalaman upang patuloy na payamanin ang kanilang sarili, ginagamit ang siyensya upang walang-tigil na tuklasin ang hinaharap ng buhay ng tao, ginagamit ang ganitong uri ng pamamaraan upang patuloy na mabuhay—napapansin ba ninyo kung paano ito magwawakas para sa sangkatauhan? Likas na maglalaho ang sangkatauhan: Sa paisa-isang hakbang, sumusulong ang sangkatauhan tungo sa pagkawasak, tungo sa sarili nilang pagkawasak! Hindi ba ito pagdudulot ng pagkawasak sa kanilang sarili? At hindi ba ito ang kahihinatnan ng pag-unlad ng siyensya? Ngayon ay tila baga ang siyensya ay isang uri ng mahiwagang inuming naihanda ni Satanas para sa tao, kaya kapag sinusubukan ninyong unawain ang mga bagay-bagay ay ginagawa ninyo ito nang may kalabuan; gaano man kayo tumingin nang husto, hindi ninyo makikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, at gaano man ninyo pagsikapan, hindi ninyo mauunawaan ang mga ito. Gayunman, ginagamit ni Satanas ang pangalan ng siyensya upang panabikin ka at lubos na mahila, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kailaliman at kamatayan. At dahil dito, malinaw na makikita ng mga tao na ang totoo, ang pagpuksa sa tao ay kagagawan ni Satanas—si Satanas ang pasimuno.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 157
Ginagamit ni Satanas ang Tradisyunal na Kultura Upang Gawing Tiwali ang Tao
Ginagamit ni Satanas ang tradisyonal na kultura upang gawing tiwali ang tao. Maraming pagkakatulad sa pagitan ng tradisyunal na kultura at ng pamahiin, ngunit ang pagkakaiba ay na may partikular na mga kuwento, parunggit, at pinagmulan ang tradisyunal na kultura. Nakapagtahi-tahi at nakapag-imbento si Satanas ng maraming kuwentong bayan o mga kuwentong lumilitaw sa mga aklat ng kasaysayan, na nag-iiwan ng malalalim na impresyon sa mga tao tungkol sa tradisyunal na kultura o mga pamahiin. Halimbawa, sa China ay may “Ang Walong Imortal na Tumatawid ng Dagat,” “Paglalakbay Patungong Kanluran,” ang Jade na Emperador, “Ang Paglupig ni Nezha sa Haring Dragon,” at “Ang Pagtatalaga ng mga Diyos.” Hindi ba nakaugat nang malalim ang mga ito sa isipan ng tao? Kahit hindi alam ng ilan sa inyo ang lahat ng detalye, alam pa rin ninyo ang mga pangkalahatang kuwento, at ang pangkalahatang nilalamang ito ang nakakintal sa iyong puso’t isipan, kaya hindi mo makalimutan ang mga iyon. Ito ang sari-saring mga ideya o alamat na inihanda ni Satanas para sa tao noong unang panahon, at naikalat na sa iba’t ibang panahon. Ang mga bagay na ito ay tuwirang pumipinsala at nagpapahina sa kaluluwa ng mga tao at gumagayuma nang sunud-sunod sa mga tao. Ibig sabihin ay kapag tinanggap mo na ang gayong tradisyunal na kultura, mga kuwento, o pamahiin, kapag nakatatag ang mga ito sa iyong isipan, at kapag nakakintal ang mga ito sa iyong puso, para kang nagayuma—nasasadlak at naiimpluwensyahan ka ng kultural na mga patibong na ito, ng mga ideya at tradisyonal na mga kuwentong ito. Iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong buhay, ang pananaw mo sa buhay, at ang iyong paghusga sa mga bagay-bagay. Mas lalong iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong paghahangad sa tunay na daan ng buhay: Isang masamang gayuma nga ito. Gaano mo man subukan, hindi mo maiwawaksi ang mga ito; tinataga mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang ibuwal ang mga ito; hinahataw mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang talunin ang mga ito. Bukod pa rito, pagkatapos sumailalim ang mga tao sa ganitong uri ng gayuma nang hindi nila alam, nagsisimula silang sumamba kay Satanas nang hindi nila alam, na itinataguyod ang imahe ni Satanas sa kanilang puso. Sa madaling salita, itinatatag nila si Satanas bilang kanilang diyus-diyusan, isang bagay na sasambahin at titingalain nila, na humahantong pa sa pagturing dito bilang Diyos. Hindi nila alam na ang mga bagay na ito ay nasa puso ng mga tao, kumokontrol sa kanilang mga salita at gawa. Bukod dito, itinuturing mong mali ang mga kuwento at alamat na iyon noong una, kaya lamang ay kinikilala mo ang pag-iral ng mga iyon nang hindi mo alam, kaya nagiging totoong mga tao ang mga iyon at nagiging totoo at umiiral na mga bagay ang mga iyon. Wala kang kamalay-malay, tinatanggap mo nang hindi namamalayan ang mga ideyang ito at ang pag-iral ng mga bagay na ito. Tinatanggap mo rin nang hindi namamalayan ang mga diyablo, si Satanas, at mga diyus-diyusan sa sarili mong tahanan at sa sarili mong puso—isang gayuma nga ito. Umaalingawngaw ba ang mga salitang ito sa inyo? (Oo.) Mayroon bang sinuman sa inyo na nakapagsunog na ng insenso at nakasamba kay Buddha? (Oo.) Kung gayo’y ano ang layunin ng pagsusunog ng insenso at pagsamba kay Buddha? (Pagdarasal para sa kapayapaan.) Sa pag-iisip tungkol dito ngayon, hindi ba kakatwang manalangin kay Satanas para sa kapayapaan? Naghahatid ba ng kapayapaan si Satanas? (Hindi.) Hindi ba ninyo nakikita kung gaano kayo kamangmang noon? Ang ganoong uri ng pag-uugali ay kakatwa, mangmang at walang muwang, hindi ba? Ang inaalala lamang ni Satanas ay kung paano ka gagawing tiwali. Imposible kang mabigyan ni Satanas ng kapayapaan, pansamantalang kapahingahan lamang ang kayang ibigay nito. Ngunit upang makamit ang kapahingahang ito kailangan kang manumpa, at kung masira mo ang iyong pangako o ang iyong sinumpaan kay Satanas, saka mo makikita kung paano ka nito pahihirapan. Sa pagtulak sa iyo na manumpa, ang totoo ay gusto nitong kontrolin ka. Nang ipagdasal ninyong magkaroon ng kapayapaan, nagkamit ba kayo ng kapayapaan? (Hindi.) Hindi kayo nagkamit ng kapayapaan, kundi bagkus ay naghatid ng kamalasan at walang-katapusang mga kapahamakan ang inyong mga pagsisikap—tunay na isang walang-hangganang karagatan ng kapaitan. Walang kapayapaan sa teritoryo ni Satanas, at ito ang totoo. Ito ang bungang naidulot ng piyudal na pamahiin at tradisyunal na kultura sa sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 158
Paano Ginagamit ni Satanas ang mga Kalakarang Panlipunan Upang Gawing Tiwali ang Tao
Ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas ang tao ay sa pamamagitan ng mga kalakaran sa lipunan. Ang mga kalakaran sa lipunan ay sumasaklaw sa maraming aspeto, kabilang na ang iba’t ibang aspetong tulad ng pagsamba sa mga tanyag at kilalang mga tao, gayundin sa mga idolo sa pelikula at musika, pagsamba sa artista, mga online game, atbp.—ang lahat ng ito ay bahagi ng mga kalakaran sa lipunan, at hindi na kailangang idetalye pa iyon dito. Pag-uusapan lamang natin ang mga ideyang idinudulot ng mga kalakaran sa lipunan sa mga tao, kung paano kumikilos ang mga tao sa mundo dahil sa mga ito, at ang mga layunin at pananaw sa buhay na idinudulot ng mga ito sa mga tao. Napakahalaga ng mga ito; makokontrol at maiimpluwensyahan ng mga ito ang isipan at opinyon ng mga tao. Sunud-sunod ang paglitaw ng mga kalakarang ito, at lahat ng ito ay nagdadala ng masamang impluwensyang patuloy na nagpapasama sa sangkatauhan, na nagiging sanhi upang ang mga tao ay mawalan ng konsiyensya, pagkatao at katinuan, na lalo pang nagpapahina sa kanilang moralidad at kalidad ng kanilang ugali, hanggang sa masasabi pa natin na karamihan sa mga tao ngayon ay walang integridad, hindi makatao, at ni walang anumang konsiyensya, at lalong walang anumang katinuan. Kaya ano ang mga kalakarang ito sa lipunan? Ito ang mga kalakarang hindi mo makikita gamit ang karaniwang mata. Kapag lumalaganap ang isang bagong kalakaran sa mundo, marahil ay maliit na bilang lamang ng mga tao ang nangunguna, na gumaganap bilang mga tagapagpauso. Nagsisimula sila sa paggawa ng isang bagay na bago, pagkatapos ay tinatanggap ang isang uri ng ideya o isang uri ng pananaw. Karamihan sa mga tao, gayunman, ay patuloy na mahahawa, maaakit, at mapapasama sa kalakarang ito nang wala silang kamalay-malay, hanggang sa tanggapin nilang lahat ito nang hindi nila alam at hindi sinasadya at malubog sila rito at makontrol nito. Sunud-sunod, ang mga kalakarang iyon ay nagiging sanhi upang ang mga tao, na hindi matino ang katawan at isipan, hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, at hindi nakikilala ang kaibhan ng positibo sa negatibong mga bagay, ay masayang tanggapin ang mga ito gayundin ang mga pananaw at pagpapahalaga sa buhay na nagmumula kay Satanas. Tinatanggap nila kung ano ang sabihin sa kanila ni Satanas kung paano unawain ang buhay at ang paraan ng pamumuhay na “ipinagkakaloob” sa kanila ni Satanas, at wala silang lakas ni kakayahan, lalo pa ng kamalayan, na lumaban. Kaya paano ba makikilala ang gayong mga kalakaran? Nakapili Ako ng isang simpleng halimbawa na maaaring unti-unti ninyong maunawaan. Halimbawa, pinatakbo ng mga tao ang kanilang negosyo noong araw sa paraan na walang sinumang nadaya; nagbenta sila ng mga item sa parehong presyo kahit sino ang bumili. Hindi ba ipinapakita rito ang kaunting elemento ng konsiyensya at pagkamakatao? Kapag pinatakbo ng mga tao nang ganito ang kanilang negosyo, nang walang masamang layunin, makikita na mayroon pa rin silang kaunting konsiyensya at kaunting pagkamakatao noong panahong iyon. Ngunit dahil palaki nang palaki ang pangangailangan ng tao sa pera, walang kaalam-alam ang mga tao na lalo pa silang umibig sa pera, pakinabang, at kasiyahan. Hindi ba mas inuuna ng mga tao ang pera kaysa noon? Kapag ang tingin ng mga tao sa pera ay napakahalaga, wala silang kaalam-alam na hindi na nila gaanong pinahahalagahan ang kanilang reputasyon, kanilang katanyagan, kanilang magandang pangalan at kanilang integridad, hindi ba? Kapag nagnegosyo ka, nakikita mong yumayaman ang iba sa pandaraya sa mga tao. Bagama’t ang pera ay kinita sa masamang paraan, mas lalo pa silang yumayaman. Naiinis kang makita ang lahat ng tinatamasa ng buong pamilya nila: “Pareho kaming nagnenegosyo pero yumaman sila. Bakit hindi ako kumikita ng malaking pera? Hindi ko matatanggap ito—kailangan kong humanap ng paraan para kumita ng mas malaking pera.” Pagkatapos niyon, ang tanging iniisip mo ay kung paano ka yayaman. Kapag isinuko mo na ang paniniwala na “ang pera ay dapat kitain nang may konsiyensya, nang walang nilolokong sinuman,” kung gayon ay sa udyok ng sarili mong mga interes, unti-unting nagbabago ang iyong paraan ng pag-iisip, gayundin ang mga prinsipyo sa likod ng iyong mga kilos. Kapag dinaya mo ang isang tao sa unang pagkakataon, nadarama mo na kinokonsiyensa ka, at sinasabi sa iyo ng puso mo, “Kapag natapos na ito, ito na ang huling pagkakataon na mandaraya ako ng isang tao. Ang pandaraya sa mga tao sa tuwina ay mauuwi sa pagpaparusa!” Ito ang tungkulin ng konsiyensya ng tao—ang ipadama sa iyo ang pag-aatubili at pagsisihin ka, upang maging hindi natural ang pakiramdam kapag nandaraya ka ng isang tao. Ngunit matapos mong tagumpay na linlangin ang isang tao, nakikita mo na mas marami kang pera ngayon kaysa rati, at iniisip mo na maaaring maging napakalaki ng pakinabang ng pamamaraang ito para sa iyo. Sa kabila ng kaunting kirot sa puso mo, parang gusto mo pa ring batiin ang sarili mo sa iyong tagumpay, at nasisiyahan ka nang kaunti sa iyong sarili. Sa unang pagkakataon, sinasang-ayunan mo ang sarili mong ugali, ang sarili mong mapanlinlang na mga paraan. Kapag kontaminado na ng pandarayang ito ang tao, kapareho ito ng isang taong nasangkot sa sugal at pagkatapos ay naging sugarol. Wala kang kamalay-malay, sinasang-ayunan mo ang sarili mong gawaing mandaya at tinatanggap ito. Wala kang kamalay-malay, iniisip mo na ang pandaraya ay isang lehitimong gawain sa pagnenegosyo at siyang pinakakapaki-pakinabang na kaparaanan sa iyong buhay at kabuhayan; iniisip mo na sa paggawa nito ay maaari kang yumaman kaagad. Ito ay isang proseso: Sa simula, hindi matatanggap ng mga tao ang ganitong uri ng pag-uugali at hinahamak nila ang ganitong pag-uugali at gawi. Pagkatapos ay sinisimulan nilang subukan mismo ang pag-uugaling ito, at sinusubukan ito sa sarili nilang paraan, at ang puso nila ay unti-unting nagbabago. Anong uri ng pagbabago ito? Ito ay isang pagsang-ayon at pagtanggap sa kalakarang ito, sa ideyang ito na ikinintal sa iyo ng kalakaran sa lipunan. Hindi mo namamalayan, kung hindi mo darayain ang mga tao sa pakikipagnegosyo sa kanila, pakiramdam mo ay nalulugi ka; kung hindi mo darayain ang mga tao, pakiramdam mo ay parang may nawala sa iyo. Hindi mo alam, ang pandarayang ito ay nagiging kaluluwa mo mismo, pangunahing sandigan mo, at isang uri ng pag-uugaling kailangang-kailangan na isang prinsipyo mo sa buhay. Matapos tanggapin ng tao ang ugali at pag-iisip na ito, hindi ba ito naghatid ng pagbabago sa puso niya? Nagbago na ang puso mo, kaya nagbago na rin ba ang integridad mo? Nagbago na ba ang pagkatao mo? Nagbago na ba ang konsiyensya mo? Nagbago na ang iyong buong pagkatao, mula sa puso mo hanggang sa isipan mo, mula sa loob hanggang sa labas, at malaking pagbabago ito. Ang pagbabagong ito ay mas lalo kang inilalayo sa Diyos, at mas lalo kang nagiging kaayon ni Satanas; mas lalo kang nagiging kapareho ni Satanas, na ang resulta ay ginagawa kang demonyo ng pagtitiwali ni Satanas.
Sa pagtingin sa mga kalakarang panlipunan na ito, masasabi ba ninyo na mayroon silang malaking impluwensya sa mga tao? Ang mga ito ba’y may matinding nakapipinsalang epekto sa mga tao? Mayroon nga silang napakatinding nakapipinsalang epekto sa mga tao. Sa anong mga aspeto ng tao ginagamit ni Satanas ang bawat isa sa mga kalakarang ito para gawin silang tiwali? Ginagawang tiwali ni Satanas higit sa lahat ang konsiyensya, diwa, pagkatao, moralidad, at mga pananaw sa buhay ng tao. At hindi ba unti-unting pinabababa at ginagawang tiwali ng mga kalakarang ito sa lipunan ang mga tao? Ginagamit ni Satanas ang mga kalakarang panlipunan na ito upang dahan-dahang akitin ang mga tao sa pugad ng mga diablo, sa gayon ang mga taong naipit sa mga kalakarang panlipunan ay walang kamalayang nanghihikayat sa pagnanasa para sa salapi at materyal, at sa kasamaan at karahasan. Sa sandaling ang mga bagay na ito ay makapasok sa puso ng tao, nagiging ano kung gayon ang tao? Ang tao ay nagiging ang diablong si Satanas! Bakit? Ito ay dahil sa anong sikolohikal na pagkahilig sa puso ng tao? Ano ang itinataguyod ng tao? Nagsisimulang magustuhan ng tao ang kasamaan at karahasan, na hindi nagpapakita ng anumang pagmamahal sa kagandahan at kabutihan, lalo na sa kapayapaan. Hindi nakahandang isabuhay ng tao ang simpleng buhay ng normal na pagkatao, sa halip nais na tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, ang magpakasaya sa mga pagnanasa ng laman, na hindi nag-aatubiling bigyang-kasiyahan ang sarili nilang laman, nang walang mga paghihigpit, walang mga gapos na pipigil sa kanila; sa madaling salita, ginagawa ang anumang naisin nila. Kaya kapag ang tao ay nalubog sa ganitong mga uri ng mga kalakaran, makatutulong ba ang kaalaman na natutuhan mo upang palayain mo ang iyong sarili? Makatutulong ba sa iyo ang iyong pagkaunawa sa mga tradisyunal na kultura at mga pamahiin upang makatakas sa kakila-kilabot na kalagayang ito? Makatutulong ba sa kanila ang tradisyunal na moralidad at tradisyunal na seremonya na nauunawaan ng tao na magsanay ng pagpipigil? Gawin nating halimbawa ang mga Analect at ang Tao Te Ching. Matutulungan ba ng mga ito ang mga tao na iahon ang kanilang mga paa mula sa putikan ng masasamang ito? Talagang hindi. Sa ganitong paraan, ang tao ay nagiging higit na mas masama, mayabang, mapagmataas, makasarili, at malisyoso. Wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga tao, wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, wala nang anumang pagkakaunawaan sa mga magkakamag-anak at magkakaibigan; ang mga ugnayang pantao ay puno ng karahasan. Nais gamitin ng bawat isang tao ang mararahas na pamamaraan upang mabuhay sa gitna ng kanilang kapwa tao; sinasamsam nila ang sarili nilang kabuhayan gamit ang karahasan; nakakamit nila ang kanilang mga posisyon at ang kanilang mga kita gamit ang karahasan, at ginagawa nila ang anumang naisin nila gamit ang mararahas at masasamang paraan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong sangkatauhan? Totoo, lubhang nakakatakot: Hindi lamang nila ipinako ang Diyos sa krus, kundi papatayin din ang lahat ng sumusunod sa Kanya—dahil napakasama ng tao. Pagkarinig sa lahat ng bagay na ito na kasasabi Ko lamang, hindi ba ninyo naisip na nakakatakot na mamuhay sa kapaligirang ito, sa mundong ito, at sa gitna ng mga ganitong uri ng mga tao, kung saan ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? (Oo.) Kaya naramdaman na ba ninyo kailanman na kahabag-habag ang inyong mga sarili? Nararamdaman na dapat ninyo ito ngayon nang bahagya, hindi ba? (Oo.) Kung didinggin ang inyong tono, tila iniisip ninyo na “ginagamit ni Satanas ang napakaraming iba’t ibang paraan upang gawing tiwali ang tao. Sinusunggaban nito ang bawat pagkakataon at nasa lahat ng dako na ating binabalingan. Makaliligtas pa ba ang tao?” Makaliligtas pa ba ang tao? Maililigtas ba ng tao ang kanilang sarili? (Hindi.) Maililigtas ba ni Emperador Jade ang tao? Maililigtas ba ni Confucious ang tao? Maililigtas ba ni Guanyin Bodhisattva ang tao? (Hindi.) Kaya sino ang makakapagligtas sa tao? (Ang Diyos.) Ang ilang tao, gayunman, ay itataas sa kanilang puso ang mga tanong na gaya ng: “Pinipinsala tayo ni Satanas nang napakarahas, sa paraang napakabangis, na wala na tayong pag-asang mabuhay, ni anumang pagtitiwalang maaari tayong mabuhay. Tayong lahat ay nabubuhay sa gitna ng katiwalian at lumalaban ang bawat isang tao sa Diyos, at ang ating mga puso ay nanlamig nang husto ngayon. Kaya habang tayo ay ginagawang tiwali ni Satanas, nasaan ang Diyos? Ano ang ginagawa ng Diyos? Anuman ang ginagawa ng Diyos para sa atin hindi natin nararamdaman ito!” Hindi maiiwasang manlumo ng ilang tao at panghinaan ng loob. Sa inyo, ang pakiramdam na ito ay napakatindi sapagkat lahat ng Aking sinasabi ay upang unti-unting ipaunawa sa mga tao, upang lalo pang mas maramdaman na sila ay walang pag-asa, upang lalo pang mas maramdaman na sila ay tinalikdan ng Diyos. Subalit huwag mag-alala. Ang paksa ng ating pagbabahagi para sa araw na ito, “ang kasamaan ni Satanas,” ay hindi siyang ating totoong tema. Upang pag-usapan ang tungkol sa diwa ng kabanalan ng Diyos, dapat muna nating pag-usapan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang tao at ang kasamaan ni Satanas upang mas maging malinaw sa mga tao kung anong uri ng kondisyon ang kinaroroonan ng tao ngayon. Ang isang layunin ng pag-uusap tungkol dito ay upang ipaalam sa mga tao ang kasamaan ni Satanas, habang ang isa pa ay upang ipaunawa nang husto sa mga tao kung ano ang tunay na kabanalan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 159
Pag-unawa sa Kabanalan ng Diyos sa Pamamagitan ng Kung Ano ang Ginagawa Niya sa Tao (Piling sipi)
Tuwing ginagawang tiwali ni Satanas ang tao o nagbibigay ng di-mapigilang pamiminsala, ang Diyos ay hindi nagsasawalang-kibo, ni hindi rin Siya nagwawalang-bahala o nagbubulag-bulagan doon sa Kanyang mga hinirang. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay nauunawaan ng Diyos nang may ganap na kalinawan. Anuman ang gawin ni Satanas, anumang kalakaran ang pinalilitaw nito, nalalaman ng Diyos ang lahat ng sinusubukang gawin ni Satanas, at hindi isinusuko ng Diyos ang Kanyang mga hinirang. Sa halip, ginagawa ng Diyos nang hindi makatawag-pansin—palihim, tahimik—ang lahat ng kinakailangan. Kapag nagsisimulang gumawa ang Diyos sa isang tao, kapag napili Niya ang isang tao, hindi Niya ito ibinabalita kaninuman, ni hindi Niya ito ipinahahayag kay Satanas, lalo nang hindi Siya gumagawa ng anumang maringal na paggalaw. Napakatahimik at napakasimple lamang Niyang ginagawa ang kinakailangan. Una, pumipili Siya ng isang pamilya para sa iyo; ang pinagmulan ng iyong pamilya, ang iyong mga magulang, ang iyong mga ninuno—lahat ng ito ay maagang pinagpapasiyahan ng Diyos. Sa madaling salita, hindi ginagawa ng Diyos ang mga pagpapasiyang ito nang padalus-dalos, sa halip, matagal na Niyang sinimulan ang gawaing ito. Kapag nakapili na ang Diyos ng isang pamilya para sa iyo, pinipili naman Niya ang petsa kung kailan ka isisilang. Pagkatapos, nanonood ang Diyos habang isinisilang kang umiiyak sa mundo. Pinapanood Niya ang iyong pagsilang, nanonood Siya habang binibigkas mo ang iyong unang mga salita, nanonood habang nadadapa ka at humahakbang ng mga una mong hakbang habang nag-aaral kang maglakad. Una’y humahakbang ka ng isa at pagkatapos ay isa pa—at ngayon ay nakakatakbo ka na, nakakatalon, nakakapagsalita, at nakakapagpahayag ng iyong mga damdamin…. Habang lumalaki ang mga tao, nakapako ang titig ni Satanas sa bawat isa sa kanila, kagaya ng isang tigreng nakamasid sa bibiktimahin nito. Ngunit sa paggawa ng Kanyang gawain, hindi kailanman napailalim ang Diyos sa anumang mga limitasyong nagmumula sa mga tao, pangyayari o bagay-bagay, ng espasyo o panahon; ginagawa Niya kung ano ang dapat at kailangan Niyang gawin. Sa proseso ng paglaki, maaari kang makasagupa ng maraming bagay na hindi mo gusto, gaya ng karamdaman at kabiguan. Ngunit habang lumalakad ka sa landas na ito, ang iyong buhay at ang iyong kinabukasan ay nasa mahigpit na pangangalaga ng Diyos. Binibigyan ka ng Diyos ng isang tunay na garantiya na magtatagal sa buong buhay mo, sapagkat Siya ay nasa tabi mo, binabantayan ka at inaalagaan. Lumalaki ka nang hindi ito namamalayan. Nagsisimula kang makipag-ugnayan sa mga bagay na bago at unti-unti mong nakikilala ang mundong ito at ang sangkatauhang ito. Lahat ay sariwa at bago sa iyo. Mayroon kang ilang bagay na gustung-gusto mong gawin. Namumuhay ka ayon sa sarili mong pagkatao, namumuhay ka sa loob ng sarili mong espasyo at wala ka ni katiting na pagkaintindi tungkol sa pag-iral ng Diyos. Ngunit pinanonood ng Diyos ang bawat hakbang mo habang lumalaki ka, at pinanonood Niya ang bawat hakbang mo pasulong. Kahit habang natututo ng kaalaman, o nag-aaral ng siyensya, hindi kailanman umalis ang Diyos sa iyong tabi kahit isang hakbang. Kapareho mo lamang ang ibang mga tao dahil, habang kinikilala mo ang mundo at nakikilahok ka rito, nakapagtatag ka ng sarili mong mga mithiin, mayroon kang sarili mong mga libangan, sarili mong mga interes, at nagkikimkim ka rin ng matatayog na ambisyon. Madalas mong pagnilayan ang sarili mong kinabukasan, madalas mong iguhit ang balangkas kung paano dapat ang hitsura ng iyong kinabukasan. Ngunit anuman ang mangyari habang daan, malinaw na nakikita ng Diyos ang lahat ng ito. Marahil ay nalimutan mo na mismo ang sarili mong nakaraan, ngunit sa Diyos, walang sinumang makauunawa sa iyo nang higit kaysa sa Kanya. Nabubuhay ka sa ilalim ng mga mata ng Diyos, lumalaki, nagkakagulang. Sa panahong ito, ang pinakamahalagang gawain ng Diyos ay isang bagay na walang sinumang nakauunawa kailanman, isang bagay na walang sinumang nakaaalam. Tiyak na hindi sinasabi ng Diyos kaninuman ang tungkol dito. Kaya ano nga ba ang napakahalagang bagay na ito? Masasabi na ito ang garantiya na ililigtas ng Diyos ang isang tao. Nangangahulugan ito na kung nais ng Diyos na iligtas ang taong ito, kailangan Niyang gawin ito. Napakahalaga ng gawaing kapwa sa tao at sa Diyos. Alam ba ninyo kung ano ito? Parang wala kayong nadaramang anuman tungkol dito, o anumang konsepto nito, kaya sasabihin Ko sa inyo. Mula nang isilang ka hanggang sa ngayon, nakapagsagawa ang Diyos ng malaking gawain sa iyo, ngunit hindi ka Niya binibigyan ng detalyadong salaysay ng lahat ng bagay na Kanyang nagawa. Hindi ka pinahintulutan ng Diyos na malaman ito, at ni hindi rin Niya sinabi sa iyo. Gayunman, para sa sangkatauhan, lahat ng Kanyang ginagawa ay mahalaga. Para sa Diyos, ito ay isang bagay na kailangan Niyang gawin. Sa Kanyang puso may isang mahalagang bagay na kailangan Niyang gawin na lubhang nakahihigit sa anuman sa mga bagay na ito. Ibig sabihin, mula nang isilang ang isang tao hanggang sa araw na ito, kailangang garantiyahan ng Diyos ang kaligtasan nila. Kapag naririnig ninyo ang mga salitang ito, maaaring madama ninyo na para bang hindi ninyo ito lubos na nauunawaan. Maaari ninyong itanong “Napakahalaga ba ng kaligtasang ito?” Ano ba ang literal na kahulugan ng “kaligtasan”? Ang pagkaunawa siguro ninyo rito ay kapayapaan o ang pagkaunawa siguro ninyo rito ay hindi pagdanas kailanman ng anumang sakuna o kalamidad, ang mamuhay nang maayos, ang mamuhay ng isang normal na buhay. Ngunit sa inyong puso, kailangan ninyong malaman na hindi ito gayon kasimple. Kaya ano ba talaga ang bagay na ito na tinutukoy Ko, na kailangang gawin ng Diyos? Ano ba ang kahulugan ng kaligtasan para sa Diyos? Ito ba talaga ay isang garantiya ng normal na kahulugan ng “kaligtasan”? Hindi. Kaya ano ang ginagawa ng Diyos? Ang “kaligtasang” ito ay nangangahulugan na hindi ka lalamunin ni Satanas. Mahalaga ba ito? Hindi ka lalamunin ni Satanas—may kinalaman ba ito sa iyong kaligtasan o wala? Oo, may kinalaman ito sa iyong personal na kaligtasan, at walang anumang bagay ang mas mahalaga. Kapag nalamon ka ni Satanas, hindi na pag-aari ng Diyos ang iyong kaluluwa at katawan. Hindi ka na ililigtas ng Diyos. Tinatalikuran ng Diyos ang mga kaluluwa at mga taong nalamon na ni Satanas. Kaya sinasabi Ko na ang pinakamahalagang bagay na kailangang gawin ng Diyos ay ang garantiyahan ang kaligtasan mong ito, garantiyahan na hindi ka malalamon ni Satanas. Napakahalaga nito, hindi ba? Kaya bakit hindi kayo makasagot? Tila hindi ninyo nadarama ang malaking kabaitan ng Diyos!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 160
Pag-unawa sa Kabanalan ng Diyos sa Pamamagitan ng Kung Ano ang Ginagawa Niya sa Tao (Piling sipi)
Mas marami pang ginagawa ang Diyos maliban sa paggarantiya sa kaligtasan ng mga tao, paggarantiya na hindi sila lalamunin ni Satanas. Marami rin Siyang ginagawa sa paghahanda bago piliin at iligtas ang isang tao. Una, gumagawa ang Diyos ng maingat na paghahanda tungkol sa uri ng pagkatao na magkakaroon ka, sa anong uri ng pamilya ka ipapanganak, sinu-sino ang magiging mga magulang mo, kung ilang magkakapatid kayo, at ano ang sitwasyon, katayuang pangkabuhayan, at mga kondisyon ng pamilya kung saan ka ipinanganak. Alam ba ninyo kung sa anong uri ng pamilya ipinapanganak ang karamihan ng hinirang na bayan ng Diyos? Ang mga ito ba’y mga kilalang pamilya? Hindi natin masasabi nang tiyakan na walang ipinapanganak sa mga kilalang pamilya. Maaaring may ilan, ngunit sila ay napakakaunti. Sila ba’y ipinapanganak sa mga pamilya na may pambihirang kayamanan, mga pamilya ng mga bilyonaryo o mga multi-milyonaryo? Hindi, sila ay halos hindi kailanman ipinapanganak sa ganitong uri ng pamilya. Kung gayon, anong uri ng pamilya ang inihahanda ng Diyos para sa karamihan ng mga taong ito? (Mga pangkaraniwang pamilya.) Kaya aling mga pamilya ang maituturing na “mga pangkaraniwang pamilya”? Kasama sa mga ito ang mga pamilya ng manggagawa—iyon ay, iyong umaasa sa sahod para mabuhay, makakayanang bilhin ang mga pangunahing pangangailangan, at hindi labis na may kaya; kasama rin ang mga pamilyang nagsasaka. Ang mga magsasaka ay umaasa sa pagtatanim para sa kanilang pagkain, mayroon silang butil na makakain at mga kasuotan, at hindi nagugutom o nilalamig. Pagkatapos ay may ilang pamilya na nagpapatakbo ng maliliit na negosyo, at ilan na kung saan ang mga magulang ay matatalinong tao, at ang mga ito ay maituturing din bilang mga pangkaraniwang pamilya. Mayroon ding ilang magulang na mga manggagawa sa opisina o nakabababang opisyal ng pamahalaan, na hindi rin maaaring ituring na kaanib ng mga kilalang pamilya. Mas marami ang ipinanganak sa mga pangkaraniwang pamilya, at lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Na ang ibig sabihin, una sa lahat, ang kapaligirang ito na tinitirhan mo ay hindi ang pamilyang may malaking kayamanan na maaaring isipin ng mga tao, at ito ay pamilya na ipinasya para sa iyo ng Diyos, at ang karamihan ng mga tao ay mamumuhay sa loob ng mga hangganan ng ganitong uri ng pamilya. Paano naman kaya ang tungkol sa katayuan sa lipunan? Ang mga kondisyong pangkabuhayan ng karamihan sa mga magulang ay pangkaraniwan at wala silang mataas na katayuan sa lipunan—mabuti para sa kanila ang magkaroon na lang ng isang trabaho. Kasama ba sa kanila ang mga gobernador? O mga presidente ng bansa? Hindi naman, hindi ba? Sa karamihan sila ay mga taong tulad ng mga tagapangasiwa o may-ari ng maliliit na negosyo. Ang kanilang katayuan sa lipunan ay katamtaman, at ang kanilang mga kondisyong pangkabuhayan ay pangkaraniwan. Ang isa pang salik ay ang tinitirhang kapaligiran ng pamilya. Una sa lahat, walang mga magulang sa mga pamilyang ito ang malinaw na iimpluwensyahan ang kanilang mga anak na lakaran ang landas ng panghuhula; kakaunti ang nakikisangkot sa mga gayong bagay. Karamihan sa mga magulang ay lubhang normal. Itinatatag ng Diyos ang ganitong uri ng kapaligiran para sa mga tao kasabay ng pagpili sa kanila, na lubhang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Kung hindi susuriing mabuti, tila ang Diyos ay walang nagawang nakayayanig para sa tao; ginagawa lamang Niya ang lahat ng bagay nang palihim, nang mapagpakumbaba at nang tahimik. Ngunit sa katunayan, lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa upang maglatag ng isang saligan para sa iyong kaligtasan, upang ihanda ang daang tatahakin at lahat ng kinakailangang mga kondisyon para sa iyong kaligtasan. Kasunod nito, ibinabalik ng Diyos ang bawat tao sa harapan Niya, bawat isa sa isang tiyak na oras: Sa oras na iyon mo maririnig ang tinig ng Diyos; sa oras na iyon lalapit ka sa harapan Niya. Sa oras na mangyari ito, ang ilan ay naging magulang na rin mismo, samantalang ang iba ay anak pa rin ng iba. Sa madaling salita, may ilang tao ang nakapag-asawa at nagkaanak na samantalang ang iba ay nanatiling wala pa ring asawa, hindi pa nakapagsisimula ng kanilang sariling mga pamilya. Ngunit maging anuman ang mga sitwasyon ng mga tao, naitakda na ng Diyos ang mga panahon kung kailan ka mapipili at kung kailan makakaabot sa iyo ang Kanyang ebanghelyo at mga salita. Naitakda na ng Diyos ang mga kalagayan, napagpasiyahan na ang isang partikular na tao o ang isang partikular na konteksto na sa pamamagitan noon ay maipapasa ang ebanghelyo sa iyo, upang marinig mo ang mga salita ng Diyos. Naihanda na ng Diyos para sa iyo ang lahat ng kinakailangang mga kondisyon. Sa ganitong paraan, bagama’t hindi namamalayan ng tao na ito’y nangyayari, makakarating sa harapan Niya ang tao at makakabalik sa pamilya ng Diyos. Sumusunod rin sa Diyos ang tao nang hindi nito namamalayan at pumapasok sa bawat hakbang ng pamamaraan ng gawain ng Diyos na Kanyang inihanda para sa tao. Anu-anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos kapag gumagawa Siya ng mga bagay para sa tao sa panahong ito? Una, ang pinakamaliit sa lahat ay ang pag-aaruga at pangangalaga na tinatamasa ng tao. Bukod dito, itinatakda ng Diyos ang iba’t ibang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay upang makita ng tao ang Kanyang pag-iral at ang Kanyang mga gawa sa pamamagitan nila. Halimbawa, may ilang tao na naniniwala sa Diyos sapagkat may isang tao sa kanilang pamilya na may sakit. Kapag ipinangaral ang ebanghelyo sa kanila ng iba, nagsisimula silang maniwala sa Diyos, at ang paniniwalang ito sa Diyos ay nangyari dahil sa sitwasyon. Kaya sino ang nagsaayos ng sitwasyong ito? (Ang Diyos.) Sa pamamagitan ng karamdamang ito, may ilang pamilya kung saan lahat ay mananampalataya, habang may mga pamilya kung saan iilan lamang ang nananampalataya. Sa panlabas, tila ang isang tao sa iyong pamilya ay may karamdaman, ngunit ang totoo ito’y isang kalagayan na ipinagkaloob sa iyo upang ikaw ay lumapit sa Diyos—ito ang kabutihan ng Diyos. Dahil ang buhay may-pamilya ng ilang tao ay mahirap at hindi sila makahanap ng kapayapaan, ang isang pagkakataon ay dumarating—may isang taong magbabahagi ng ebanghelyo at nagsasabing, “Sumampalataya sa Panginoong Jesus at magkakaroon ka ng kapayapaan.” Hindi namamalayan, sila ay naniniwala sa Diyos sa ilalim ng likas na mga pangyayari, kung kaya’t hindi ba ito isang uri ng kondisyon? At hindi ba ang kawalan ng kapayapaan ng kanilang pamilya ay isang biyaya na ibinigay sa kanila ng Diyos? May ilan ding naniniwala sa Diyos dahil sa ibang mga kadahilanan. Mayroong iba’t ibang dahilan at iba’t ibang paraan ng paniniwala, ngunit anuman ang dahilan na nagdala sa iyo sa paniniwala sa Kanya, lahat ng ito ay talagang isinaayos at ginabayan ng Diyos. Sa una, ginagamit ng Diyos ang iba’t ibang paraan upang piliin ka at dalhin ka sa Kanyang pamilya. Ito ang biyaya ng Diyos na ipinagkakaloob sa bawat isang tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 161
Pag-unawa sa Kabanalan ng Diyos sa Pamamagitan ng Kung Ano ang Ginagawa Niya sa Tao (Piling sipi)
Sa kasalukuyang yugto ng gawain ng Diyos sa mga huling araw na ito, hindi na Niya basta iginagawad ang biyaya at mga pagpapala sa tao tulad ng ginawa Niya dati, ni sinusuyo Niya ang tao na sumulong. Sa yugtong ito ng gawain, ano ang nakita ng tao mula sa lahat ng aspeto ng gawain ng Diyos na naranasan nila? Nakita ng tao ang pag-ibig ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Sa panahong ito, pinaglalaanan, sinusuportahan, nililiwanagan at ginagabayan ng Diyos ang tao, nang sa gayon ay unti-unti niyang nalalaman ang Kanyang mga intensyon, nalalaman ang mga salita na sinasabi Niya at ang katotohanang iginagawad Niya sa tao. Kapag ang tao ay nanghihina, kapag sila ay nasisiraan ng loob, kapag wala silang mabalingan, gagamitin ng Diyos ang Kanyang mga salita upang aliwin, payuhan at pasiglahin ang tao, upang ang mababang tayog ng tao ay unti-unting lumakas, tumaas ang pagkapositibo at maging handang makipagtulungan sa Diyos. Ngunit kapag sinusuway ng tao ang Diyos o nilalabanan Siya, o kapag ipinapakita ng tao ang kanilang katiwalian, hindi magpapakita ng awa ang Diyos sa pagtutuwid at sa pagdidisiplina sa tao. Ngunit magpapakita ang Diyos ng pagpaparaya at pagtitiyaga sa kahangalan, kamangmangan, kahinaan at pagiging kulang sa gulang ng tao. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos para sa tao, ang tao ay unti-unting nagkakagulang, lumalago, at nalalaman ang mga intensyon ng Diyos, nalalaman ang ilang katotohanan, nalalaman kung aling mga bagay ang positibo at alin ang negatibo, nalalaman kung ano ang kasamaan at ano ang kadiliman. Ang Diyos ay hindi palaging nagtutuwid at nagdidisiplina ng tao sa isang paraan lamang, ni palaging nagpapakita ng pagpaparaya at pagtitiyaga. Sa halip, tinutustusan Niya ang bawat tao sa iba’t ibang paraan, sa kanilang magkakaibang kalagayan at ayon sa kanilang magkakaibang tayog at kakayahan. Ginagawa Niya ang maraming bagay para sa tao at nang may malaking sakripisyo; walang napapansin ang tao sa mga bagay na ito o sa sakripisyo, gayunman lahat ng ginagawa Niya sa realidad ay natutupad sa bawat isang tao. Ang pag-ibig ng Diyos ay praktikal: Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, naiiwasan ng tao ang sunud-sunod na mga sakuna, habang paulit-ulit na ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya sa mga kahinaan ng tao. Ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagbibigay-daan upang unti-unting makilala ng mga tao ang katiwalian at satanikong diwa ng sangkatauhan. Iyong ipinagkakaloob ng Diyos, ang Kanyang pagbibigay kaliwanagan sa tao at ang Kanyang paggabay ay nagbibigay-daan sa sangkatauhan upang higit pa lalong makilala ang diwa ng katotohanan, at patuloy na malaman kung ano ang kinakailangan ng mga tao, kung anong daan ang dapat nilang tahakin, para sa ano ang kanilang pamumuhay, ang kahalagahan at kahulugan ng kanilang mga buhay, at kung paano lumakad sa daang tatahakin. Lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa Kanyang orihinal na layunin. Ano, kung gayon, ang layuning ito? Bakit ginagamit ng Diyos ang mga paraang ito upang isagawa ang Kanyang gawain sa tao? Anong resulta ang nais Niyang makamit? Sa madaling salita, ano ang nais Niyang makita sa tao? Ano ang nais Niyang makuha mula sa kanila? Ang nais na makita ng Diyos ay na maaaring mapasiglang muli ang puso ng tao. Ang mga paraang ito na ginagamit Niya upang gumawa sa tao ay isang patuloy na pagsisikap na gisingin ang puso ng tao, gisingin ang espiritu ng tao, bigyang-kakayahan ang tao na maunawaan kung saan sila nanggaling, sino ang gumagabay, sumusuporta, at nagkakaloob sa kanila, at kung sino ang nagpahintulot sa tao na mabuhay hanggang sa ngayon; ang mga ito ay paraan upang bigyang-kakayahan ang tao na maunawaan kung sino ang Lumikha, na Siyang dapat nilang sambahin, kung anong uri ng daan ang dapat nilang lakaran, at sa anong paraan dapat lumapit ang tao sa harapan ng Diyos; ang mga ito ay paraan upang unti-unting pasiglahin ang puso ng tao, upang makilala ng tao ang puso ng Diyos, maunawaan ang puso ng Diyos, at maintindihan ang matinding pangangalaga at paglingap na nasa likod ng Kanyang gawain na iligtas ang tao. Kapag napasigla na ang puso ng tao, hindi na niya nais pang mabuhay na may masama at tiwaling disposisyon, kundi sa halip ay nais hanapin ang katotohanan upang palugurin ang Diyos. Kapag ang puso ng tao ay nagising na, nakakaya na ng tao na ihiwalay ang kanilang sarili nang lubusan kay Satanas. Hindi na sila mapipinsala pa ni Satanas, hindi na muling kokontrolin o lilinlangin nito. Sa halip, ang tao ay maaaring maagap na makipagtulungan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga salita upang bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos, sa gayon ay nakakamit ang pagkatakot sa Diyos at ang paglayo sa kasamaan. Ito ang orihinal na layunin ng gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 162
Pag-unawa sa Kabanalan ng Diyos sa Pamamagitan ng Kung Ano ang Ginagawa Niya sa Tao (Piling sipi)
Pinadama sa bawat tao ng katatalakay lamang natin ngayon tungkol sa kasamaan ni Satanas na ang tao ay tila ba namumuhay nang napakalungkot at ang buhay ng tao ay puno ng kasawian. Ngunit ano ang pakiramdam ninyo ngayong tinatalakay Ko ang tungkol sa kabanalan ng Diyos at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa tao? (Napakasaya.) Nakikita natin ngayon na lahat ng ginagawa ng Diyos, lahat ng Kanyang pinaghihirapang isaayos para sa tao ay busilak. Walang mali sa lahat ng ginagawa ng Diyos, nangangahulugang ito ay walang depekto, hindi nangangailangang iwasto, bigyang payo o gawan ng anumang pagbabago. Lahat ng ginagawa ng Diyos para sa bawat isang tao ay hindi mapag-aalinlanganan; inaakay Niya ang bawat isa, sinusubaybayan ka sa bawat sandali at kailanma’y hindi umalis sa iyong tabi. Habang ang mga tao ay lumalaki sa ganitong uri ng kapaligiran at sa ganitong uri ng karanasan, masasabi ba natin na ang mga tao sa katunayan ay lumalaki sa palad ng kamay ng Diyos? (Oo.) Kaya ngayon nakakadama pa ba kayo ng kawalan? Mayroon bang sinumang nakakaramdam pa ng panlulumo? Nadarama ba ng sinuman na tinalikdan ng Diyos ang sangkatauhan? (Hindi.) Kaya ano ba talaga kung gayon ang nagawa ng Diyos? (Binantayan Niya ang sangkatauhan.) Ang matinding paglingap at pangangalaga na nasa likod ng lahat ng ginagawa ng Diyos ay hindi mapagdududahan. Idagdag pa rito, habang isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain, kailanman wala Siyang inilatag na anumang kondisyon. Hindi Niya kailanman hiningi sa sinuman sa inyo na malaman ang Kanyang isinasakripisyo para sa inyo, upang kayo ay makaramdam ng taos-pusong pasasalamat sa Kanya. Hiningi na ba ng Diyos ito sa inyo kailanman? (Hindi.) Sa mahabang kabuuan ng buhay ng tao, halos bawat isang tao ay nakasagupa na ng maraming mapanganib na sitwasyon at sumailalim na sa maraming tukso. Ito’y dahil si Satanas ay nandoon mismo sa tabi mo, ang mga mata nito ay palaging nakatuon sa iyo. Kapag ang kapahamakan ay dumarating sa iyo, nagagalak si Satanas dito, kapag sumasapit sa iyo ang mga kalamidad, kapag walang mabuting nangyayari sa iyo, kapag ikaw ay napupulupot sa sapot ni Satanas, tuwang-tuwa si Satanas sa mga bagay na ito. Tungkol naman sa ginagawa ng Diyos, palagi ka Niyang pinapangalagaan, inilalayo ka Niya sa sunud-sunod na kasawian at sa sunud-sunod na kapahamakan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na lahat ng mayroon ang tao—kapayapaan at kasiyahan, mga pagpapala at personal na kaligtasan—sa totoo lang ay nasa ilalim lahat ng kontrol ng Diyos; ginagabayan Niya at pinagpapasiyahan ang kapalaran ng bawat isang tao. Subalit ang Diyos ba ay may napalaking kuru-kuro sa Kanyang posisyon, gaya ng sinasabi ng ilang tao? Sinasabi ba Niya sa iyo, “Ako ang pinakadakila sa lahat. Ako ang namamahala sa inyo. Kayong lahat ay dapat magmakaawa sa Akin, at ang pagsuway ay paparusahan ng kamatayan”? Tinakot na ba kailanman ng Diyos ang sangkatauhan sa ganitong paraan? (Hindi.) Kailanman ba’y sinabi Niya, “Ang sangkatauhan ay tiwali kaya hindi mahalaga kung paano Ko man sila tratuhin, anumang pagtrato ay maaari; hindi Ko kinakailangang isaayos nang maigi ang mga bagay para sa kanila”? Ganito ba mag-isip ang Diyos? Kumilos na ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi.) Bagkus, ang pagtrato ng Diyos sa bawat isang tao ay marubdob at responsable. Mas responsable pa kaysa sa pagtrato mo sa iyong sarili ang Kanyang pagtrato sa iyo. Hindi nga ba? Ang Diyos ay hindi basta na lang nagsasalita, ni hindi rin Niya ipinagmamalaki ang Kanyang mataas na kalagayan o pabirong nanloloko sa mga tao. Sa halip ginagawa Niya nang tapat at tahimik ang mga bagay na kinakailangan Niya Mismong gawin. Ang mga bagay na ito ay nagdudulot ng mga pagpapala, kapayapaan at kagalakan sa tao. Dinadala ng mga ito ang tao nang mapayapa at matiwasay sa paningin ng Diyos at sa Kanyang pamilya; pagkatapos ay nabubuhay sila sa harap ng Diyos at tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos nang may normal na pangangatwiran at pag-iisip. Kaya ang Diyos ba kailanman ay naging mapanlinlang na sa tao sa Kanyang gawain? Nagpakita na ba Siya kailanman ng huwad na pagpapakita ng kabaitan, niloloko muna ang tao gamit ang ilang pagbati, pagkatapos ay tatalikuran Niya ito? (Hindi.) Kailanman ba’y nagsabi ang Diyos ng isang bagay at pagkatapos ay iba ang ginawa? Ang Diyos ba ay nagbigay kailanman ng hungkag na mga pangako at nagyabang, na sinasabi sa mga taong maaari Niyang gawin ito para sa kanila o tutulungan silang gawin iyon, at pagkatapos ay biglang nawala? (Hindi.) Walang panlilinlang sa Diyos, walang kasinungalingan. Ang Diyos ay tapat at lahat ng Kanyang ginagawa ay totoo. Siya lamang ang Isa na maaasahan ng tao; Siya ang Diyos na maaaring pagkatiwalaan ng mga tao ng kanilang mga buhay at ng lahat sa kanila. Dahil walang panlilinlang sa Diyos, masasabi ba natin na ang Diyos ang pinakadalisay? (Oo.) Mangyari pa! Bagaman ang salitang “dalisay” ay labis na mahina, labis na pantao kapag ginamit sa Diyos, ano pa ang ibang salita na maaari nating gamitin? Ganyan talaga ang mga limitasyon ng wika ng tao. Bagama’t hindi gaanong angkop na tawaging “dalisay” ang Diyos, pansamantala pa rin nating gagamitin ang salitang ito. Ang Diyos ay tapat at dalisay. Kaya ano ang ibig nating sabihin sa pagtalakay tungkol sa mga aspetong ito? Tinutukoy ba natin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao at ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ni Satanas? Oo, masasabi natin iyan. Ito ay sapagkat hindi makikita ng tao sa Diyos kahit ang isa mang bakas ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Tama ba Ako sa pagsasabi nito? Amen? (Amen!) Walang anuman sa masamang disposisyon ni Satanas ang makikita sa Diyos. Lahat ng ginagawa at ibinubunyag ng Diyos ay lubos na kapaki-pakinabang at makakatulong sa tao, ganap na ginagawa upang maglaan para sa tao, puno ng buhay at nagbibigay sa tao ng isang daan na susundan at isang direksyon na tatahakin. Ang Diyos ay hindi tiwali at, bukod pa rito, kung titingnan ngayon ang lahat ng ginagawa ng Diyos, masasabi ba natin na ang Diyos ay banal? Dahil ang Diyos ay walang taglay na tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, ni anumang katulad sa satanikong diwa ng tiwaling sangkatauhan, mula sa pananaw na ito ay lubos nating masasabi na ang Diyos ay banal. Ang Diyos ay walang ipinapakitang anumang katiwalian, at kasabay nito habang gumagawa ang Diyos, inihahayag ng Diyos ang Kanyang sariling diwa, na ganap na nagpapatibay na ang Diyos Mismo ay banal. Nakikita ba ninyo ito? Upang makilala ang banal na diwa ng Diyos, tingnan natin ang dalawang aspetong ito sa ngayon: Una, walang bahid ng tiwaling disposisyon sa Diyos, at pangalawa, tinutulutan ng diwa ng gawain ng Diyos sa tao na makita ng tao ang sariling diwa ng Diyos at ang diwang ito ay lubos na positibo. Sapagkat ang mga bagay na idinudulot sa tao ng bawat bahagi ng gawain ng Diyos ay pawang positibo. Una sa lahat, hinihingi ng Diyos sa tao na maging tapat—hindi ba ito positibong bagay? Binibigyan ng Diyos ang tao ng karunungan—hindi ba ito positibo? Ipinauunawa ng Diyos sa tao ang pagkakaiba ng kabutihan sa kasamaan—hindi ba ito positibo? Binibigyang-daan Niya na maunawaan ng tao ang kahulugan at kahalagahan ng buhay ng tao—hindi ba ito positibo? Binibigyang-daan Niya ang tao na makita ang diwa ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ayon sa katotohanan—hindi ba ito positibo? Ito ay positibo. At ang resulta ng lahat ng ito ay na hindi na nalilinlang ni Satanas ang tao, hindi na maipagpapatuloy pa na mapinsala o makontrol ni Satanas. Sa madaling salita, binibigyang-daan ng mga ito ang mga tao na ganap na palayain ang kanilang mga sarili mula sa pagtitiwali ni Satanas, at sa gayon ay unti-unting lumakad sa daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 163
May anim na pangunahing mga pandaraya na ginagamit ni Satanas Upang gawing tiwali ang tao
Ang una ay kontrol at pamumuwersa. Iyon ay, gagawin ni Satanas ang lahat ng maaaring gawin upang kontrolin ang iyong puso. Ano ang ibig sabihin ng “pamumuwersa”? Nangangahulugan ito ng paggamit ng pagbabanta at sapilitang taktika upang pilitin kang sumunod dito, na pinag-iisip ka sa mga maaaring mangyari kung hindi ka susunod. Natatakot ka at hindi nangangahas na salungatin ito, kaya nagpapasakop ka rito.
Ang ikalawa ay ang pandaraya at panlalansi. Ano ang kaakibat ng “pandaraya at panlalansi”? Bumubuo si Satanas ng ilang kuwento at mga kasinungalingan, na nilalansi ka na paniwalaan ang mga ito. Kailanman hindi nito sinasabi sa iyo na ang tao ay nilikha ng Diyos, ngunit hindi rin nito direktang sinasabi na ikaw ay hindi ginawa ng Diyos. Hindi nito ginagamit ang salitang “Diyos” sa anumang paraan, ngunit sa halip ay gumagamit ng iba pang bagay bilang kahalili, na ginagamit ang bagay na ito upang linlangin ka nang sa gayon ay wala kang ideya sa pag-iral ng Diyos. Siyempre, kasama ng panlalansi ang maraming aspeto, hindi lamang ang isang ito.
Ang ikatlo ay ang sapilitang pagdoktrina. Ano ang sapilitang itinuturo sa mga tao? Ang sapilitang pagdoktrina ay ginagawa ba sa sariling kagustuhan ng tao? Ginagawa ba ito nang may pahintulot ng tao? Talagang hindi. Kahit hindi ka pumayag, wala ka nang magagawa. Nadodoktrinahan ka ni Satanas nang hindi mo namamalayan, na ikinikintal sa iyo ang pag-iisip nito, mga patakaran sa buhay nito at ang diwa nito.
Ang ikaapat ay ang mga pagbabanta at mga pang-aakit. Iyon ay, ginagamit ni Satanas ang iba’t ibang mga pandaya upang iyong tanggapin ito, sundin ito, gumawa sa paglilingkod dito. Gagawin nito ang lahat upang makamit ang mga layunin nito. Minsan nagbibigay ito ng maliliit na pabor sa iyo, samantalang inaakit ka nito na magkasala. Kung hindi mo susundin ito, pahihirapan ka nito at parurusahan ka, at gagamit ito ng iba’t ibang paraan upang salakayin ka at magpakana laban sa iyo.
Ang ikalima ay panlilinlang at pagkaparalisa. Ang “panlilinlang at pagkaparalisa” ay kapag nagkikintal si Satanas sa mga tao ng ilang salitang masarap pakinggan at mga ideya na naaangkop sa kanilang mga haka-haka at tila makatwiran, upang palabasin na parang isinasaalang-alang nito ang pisikal na kalagayan ng kanilang mga buhay at mga kinabukasan, gayong ang totoo ito ay tanging layunin nito na linlangin ka. Pagkatapos ay pinaparalisa ka nito upang hindi mo malaman kung ano ang tama at ano ang mali, sa gayon ikaw ay nalinlang nang hindi mo nalalaman at sasailalim sa kontrol nito.
Ang ikaanim ay ang pagkawasak ng katawan at isip. Aling bahagi ng tao ang winawasak ni Satanas? Winawasak ni Satanas ang iyong isip, inaalisan ka ng kakayahang tumutol, na nangangahulugan na ang iyong puso ay dahan-dahang bumabaling kay Satanas nang hindi mo inaasahan. Ikinikintal nito ang mga bagay na ito sa iyo araw-araw, araw-araw na ginagamit ang mga ideya at mga kulturang ito upang impluwensyahan at linangin ka, na dahan-dahang sinisira ka, upang huwag mo nang gustuhing maging isang mabuting tao, upang huwag mo nang naising manindigan para sa tinatawag mong katuwiran. Hindi mo namamalayan, wala ka nang taglay na pagpupursiging lumangoy laban sa agos, sa halip ay magpapatianod na lang dito. Ang “pagkawasak” ay nangangahulugan na labis na pinapahirapan ni Satanas ang mga tao kaya nagiging mga anino na lamang sila ng kanilang sarili, hindi na tao. Dito tumitira si Satanas, sinasakmal at nilalamon sila.
Bawat isa sa mga pandaraya na ito na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao ay makapagtatanggal ng kapangyarihan sa tao na lumaban; alinman sa mga ito ay nakamamatay sa mga tao. Sa madaling salita, anuman ang ginagawa ni Satanas at anuman ang pandaraya na ginagamit nito ay makakapagpahina sa iyo, makakapagdala sa iyo sa ilalim ng kontrol ni Satanas at makakapagpapalubog sa iyo sa isang kumunoy ng kasamaan at kasalanan. Ito ang mga pandaraya na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 164
Ngayon ang inyong pagkaunawa sa diwa ng Diyos na nakabase sa inyong nakikita ay nangangailangan pa rin ng mahabang panahon upang matutunan, upang pagtibayin, upang maramdaman at maranasan ito, hanggang sa isang araw, mauunawaan ninyo, mula sa kaibuturan ng inyong puso, na “ang kabanalan ng Diyos” ay nangangahulugan na ang diwa ng Diyos ay walang kapintasan, na ang pagmamahal ng Diyos ay mapagparaya, na lahat ng ibinibigay ng Diyos sa tao ay mapagparaya, at makikilala mo na ang kabanalan ng Diyos ay walang dungis at di-mapupulaan. Ang mga aspetong ito ng diwa ng Diyos ay hindi lamang ang mga salita na ginagamit Niya upang ipagmalaki ang Kanyang kalagayan, sa halip ginagamit ng Diyos ang Kanyang diwa upang pakitunguhan nang lihim at tapat ang bawat isang tao. Sa madaling salita, ang diwa ng Diyos ay hindi hungkag, ni hindi rin ito panteorya o pangdoktrina at tiyak na hindi isang uri ng kaalaman. Hindi ito isang uri ng edukasyon para sa tao; sa halip ay siyang tunay na pahayag ng sariling mga kilos ng Diyos at ang ibinunyag na diwa kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Dapat kilalanin ng tao ang diwang ito at unawain ito, dahil lahat ng ginagawa ng Diyos at bawat salita na Kanyang sinasabi ay may malaking kahalagahan at malaking kabuluhan sa bawat isang tao. Kapag naunawaan mo ang kabanalan ng Diyos, magagawa mo na talagang maniwala sa Diyos; kapag naunawaan mo ang kabanalan ng Diyos, makikilala mo talaga ang totoong kahulugan ng mga salitang “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi.” Hindi ka na mag-iisip na may ibang mga daan maliban dito na maaari mong piliing lakaran, at hindi ka na handang pagtaksilan ang lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa iyo. Sapagkat ang diwa ng Diyos ay banal, nangangahulugan iyon na tanging sa pamamagitan ng Diyos makalalakad ka sa buhay sa makatuwirang daan ng liwanag; tanging sa pamamagitan ng Diyos mo malalaman ang kahulugan ng buhay, tanging sa pamamagitan ng Diyos na maisasabuhay mo ang totoong pagkatao at taglayin at makilala ang katotohanan. Tanging sa pamamagitan lamang ng Diyos maaari mong matanggap ang buhay mula sa katotohanan. Tanging ang Diyos Mismo ang makakatulong sa iyo na layuan ang kasamaan at iadya ka mula sa kapinsalaan at kontrol ni Satanas. Maliban sa Diyos, walang sinuman at walang anuman ang makakapagligtas sa iyo mula sa dagat ng paghihirap upang hindi ka na magdusa. Ito ay pinagpapasiyahan ng diwa ng Diyos. Tanging ang Diyos Mismo ang magliligtas sa iyo nang walang pag-iimbot, tanging ang Diyos ang responsable sa bandang huli para sa iyong kinabukasan, para sa iyong tadhana at para sa iyong buhay, at isinasaayos Niya ang lahat ng bagay para sa iyo. Ito ay isang bagay na hindi matatamo ng nilalang o di-nilalang. Sapagkat walang nilalang o di-nilalang ang nagtataglay ng diwa ng Diyos, walang tao o bagay ang may kakayahan na iligtas ka o akayin ka. Ito ang kahalagahan ng diwa ng Diyos sa tao. Nararamdaman ninyo marahil na ang mga salitang ito na nasabi Ko ay nakatutulong kahit kaunti sa prinsipyo. Subalit kung hahanapin mo ang katotohanan, kung minamahal mo ang katotohanan, mararanasan mo kung papaano hindi lamang babaguhin ng mga salitang ito ang iyong tadhana, ngunit higit pa rito dadalhin ka nila sa tamang daan ng buhay. Nauunawaan mo ito, hindi ba?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 165
Gusto Kong talakayin sa inyo ang tungkol sa isang bagay na inyong ginawa na nakasorpresa sa Akin sa simula ng ating pagtitipon ngayon. Ang ilan sa inyo marahil ay nagkikimkim ng diwa ng pasasalamat, marahil kayo’y nakakaramdam ng pasasalamat, at sa gayon ay nais ninyong ipahayag nang pisikal kung ano ang nararamdaman ninyo. Ang ginawa ninyo’y hindi nangangailangang mapulaan; ito’y hindi tama ni mali. Ngunit gusto Kong maunawaan ninyo ang isang bagay. Ano ito? Una, nais Ko kayong tanungin tungkol sa ginawa ninyo ngayon lamang. Ito ba ay pagpapatirapa o pagluhod upang sumamba? May makakapagsabi ba sa Akin? (Naniniwala kami na ito ay pagpapatirapa.) Naniniwala kayo na ito ay pagpapatirapa, kung gayon, ano ang kahulugan ng pagpapatirapa? (Pagsamba.) Ano naman ang pagluhod upang sumamba? Hindi pa Ako nagbahagi sa inyo tungkol dito, ngunit sa araw na ito nararamdaman Ko na kinakailangan Kong ibahagi ang paksang ito sa inyo. Nagpapatirapa ba kayo sa inyong karaniwang mga pagtitipon? (Hindi.) Nagpapatirapa ba kayo kapag kayo ay nananalangin? (Oo.) Nagpapatirapa ba kayo sa bawat oras na kayo ay nananalangin, kapag itinutulot ng mga kondisyon? (Oo.) Iyan ay mabuti. Subalit ang nais Kong maunawaan ninyo ngayon ay tinatanggap lamang ng Diyos ang pagluhod ng dalawang uri ng mga tao. Hindi natin kailangang konsultahin ang Bibliya o ang mga pag-uugali at gawa ninumang espirituwal na karakter. Sa halip, sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na totoo dito at ngayon. Una, ang pagpapatirapa at pagluhod sa pagsamba ay hindi magkapareho. Bakit tinatanggap ng Diyos ang mga pagluhod ng mga taong ipinapatirapa ang kanilang mga sarili? Ito ay dahil sa tinatawag ng Diyos ang isang tao papalapit sa Kanya at inaatasan ang taong ito na tanggapin ang tagubilin ng Diyos, kaya papahintulutan siya ng Diyos na magpatirapa siya sa harap Niya. Ito ang unang uri ng tao. Ang ikalawang uri ay ang pagluhod upang sumamba ng isang tao na natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Mayroon lamang nitong dalawang uri ng tao. Kaya sa aling uri kayo nabibilang? Masasabi ba ninyo? Ito ay katotohanan, bagama’t maaaring masaktan nang kaunti ang inyong mga damdamin. Walang masasabi tungkol sa mga pagluhod ng mga tao sa panahon ng pananalangin—ito ay tama tulad ng nararapat, sapagkat kapag nananalangin ang mga tao kadalasang ito ay pananalangin para sa isang bagay, pagbubukas ng kanilang mga puso sa Diyos at pagharap sa Kanya. Ito ay pakikipagtalastasan at pakikipagpalitan, puso sa puso sa Diyos. Ang pagsamba habang nakaluhod ay hindi dapat maging pormalidad lamang. Hindi Ko sinasadya na sisihin kayo para sa inyong ginawa ngayon. Nais Ko lamang linawin ito sa inyo upang inyong maunawaan ang prinsipyong ito, alam ninyo ito, hindi ba? (Oo, alam namin.) Sinasabi ko ito upang hindi na ito mangyari pang muli. Ang mga tao ba kung gayon ay may anumang pagkakataon na magpatirapa at lumuhod sa harapan ng Diyos? Hindi dahil hindi na magkakaroon ng ganitong pagkakataon. Hindi magtatagal darating ang araw, ngunit ang panahon ay hindi ngayon. Nakikita ba ninyo? Pinalulungkot ba kayo nito? (Hindi.) Mabuti iyan. Marahil ang mga salitang ito ay uudyok o pupukaw sa inyo upang malaman ninyo sa inyong puso ang kasalukuyang kalagayan sa pagitan ng Diyos at tao at kung anong uri ng ugnayan ang umiiral ngayon sa pagitan ng Diyos at ng tao. Bagaman napag-usapan na natin kamakailan lamang at nakapagpalitan na nang maigi, ang pagkakaunawa ng tao sa Diyos ay malayo pa rin sa sapat. Napakalayo pa ng lalakbayin ng tao sa daang ito ng paghahangad na maunawaan ang Diyos. Hindi Ko intensyon na pilitin kayong gawin ito nang mabilisan, o magmadali na ipahayag ang mga uring ito ng mga hangarin o mga damdamin. Ang ginawa ninyo ngayon ay maaaring maghayag at magbunyag ng inyong tunay na mga damdamin, at nahahalata Ko iyon. Kaya habang ginagawa ninyo ito, ninais Kong tumayo na lang at ibigay sa inyo ang Aking mabuting mga pagbati, sapagkat nais Kong maging mabuti ang kalagayan ninyong lahat. Kaya ginagawa Ko ang Aking makakaya sa bawat salita Ko at sa bawat pagkilos upang matulungan kayo, gabayan kayo, nang sa gayon magkakaroon kayo ng tamang pagkaunawa at tamang pananaw sa lahat ng bagay. Nauunawaan ninyo ito, tama? (Oo.) Magaling. Bagaman ang mga tao ay may ilang pagkaunawa sa iba’t ibang disposisyon ng Diyos, ang mga aspeto kung anong mayroon at kung ano ang Diyos at ang ginagawang gawain ng Diyos, ang karamihan sa pagkaunawang ito ay hindi lalampas sa pagbabasa ng mga salita sa isang pahina, o inuunawa ang mga ito sa prinsipyo, o iniisip lamang ang tungkol sa mga ito. Ang pinakakulang sa mga tao ay ang totoong pagkaunawa at pananaw na nagmumula sa totoong karanasan. Kahit na gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan upang gisingin ang puso ng mga tao, mahaba pa ang lalakbayin bago ito magampanan. Ayaw Kong makita ang sinuman na nagdaramdam na tila ba iniwan silang nag-iisa ng Diyos, na pinabayaan sila ng Diyos o tinalikuran Niya sila. Nais Ko lamang makita na lahat ay nasa daan upang hanapin ang katotohanan at naghahangad na maunawaan ang Diyos, matapang na nagpapatuloy sa paglalakad na may matibay na kalooban, na walang mga pangamba, walang dinadalang mga pasanin. Maging anumang mga kamalian ang nagawa mo, gaano man kalayo kang naligaw o gaano ka man lumabag, huwag hayaan ang mga ito na maging mga pasanin o dagdag na pabigat na dadalhin mo sa iyong paghahangad na maunawaan ang Diyos: Ipagpatuloy mo ang paglalakad nang pasulong. Sa lahat ng panahon, hawak ng Diyos ang kaligtasan ng tao sa Kanyang puso; hindi ito kailanman nagbabago: Ito ang pinakamahalagang bahagi ng diwa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI