Paglalantad ng mga Pagkaintindi ng mga Relihiyon

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 281

Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring banggitin nang magkapantay. Ang Kanyang diwa at Kanyang gawain ay pinakamahirap na maaarok at maintindihan ng tao. Kung hindi personal na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at sinasambit ang Kanyang mga salita sa mundo ng tao, hindi mauunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos kailanman. Kaya nga, kahit yaong mga naglaan na ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon. Kung hindi sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, gaano man kahusay gumawa ang tao, mababalewala iyon, dahil ang mga iniisip ng Diyos ay laging magiging mas mataas kaysa mga iniisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi kayang maintindihan ng tao. Kaya nga sinasabi Ko na yaong mga nagsasabing “lubos na nauunawaan” nila ang Diyos at ang Kanyang gawain ay walang kakayahan; lahat sila ay hambog at mangmang. Hindi dapat bigyang-kahulugan ng tao ang gawain ng Diyos; bukod pa riyan, hindi kayang ilarawan ng tao ang gawain ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay hamak na tulad ng isang langgam; kaya paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Yaong mga gustong magsabi na, “Ang Diyos ay hindi gumagawa sa ganito o ganoong paraan,” o “Ang Diyos ay ganito o ganoon”—hindi ba sila mayabang magsalita? Dapat nating kilalaning lahat na ang tao, na may laman, ay nagawang tiwali ni Satanas. Ang pinakalikas na pagkatao ng sangkatauhan ay laban sa Diyos. Hindi maaaring pumantay ang sangkatauhan sa Diyos, lalong hindi kaya ng sangkatauhan na umasang magpayo sa gawain ng Diyos. Patungkol sa kung paano ginagabayan ng Diyos ang tao, ito ang gawain ng Diyos Mismo. Akma na dapat magpasakop ang tao, nang hindi nagpapahayag ng ganito o ganoong pananaw, sapagkat ang tao ay alabok lamang. Yamang ang ating layunin ay hanapin ang Diyos, hindi natin dapat pangibabawin ang ating mga kuru-kuro sa gawain ng Diyos para isaalang-alang ng Diyos, lalong hindi natin dapat gamitin nang husto ang ating tiwaling disposisyon para sadyang labanan ang gawain ng Diyos. Hindi ba tayo gagawin niyan na mga anticristo? Paano nagagawa ng gayong mga tao na maniwala sa Diyos? Yamang naniniwala tayo na mayroong Diyos, at yamang nais nating palugurin Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at dapat tayong humanap ng daan upang makaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat makipagmatigasan sa paglaban sa Kanya. Anong kabutihan ang posibleng mangyari sa gayong mga pagkilos?

Ngayon, nakagawa na ang Diyos ng bagong gawain. Maaaring hindi mo magawang tanggapin ang mga salitang ito, at maaaring tila kakaiba ito sa iyo, ngunit ang ipapayo Ko sa iyo ay huwag ilantad ang iyong naturalesa, sapagkat yaon lamang mga tunay na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran sa harap ng Diyos ang maaaring magtamo ng katotohanan, at yaon lamang mga tunay na matapat ang maliliwanagan at magagabayan Niya. Natatamo ang mga resulta sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan nang may mahinahong kapanatagan, hindi sa pakikipag-away at pakikipagtalo. Kapag sinabi kong “ngayon, nakagawa ang Diyos ng bagong gawain,” tinutukoy Ko ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil ay hindi nakakaligalig sa iyo ang mga salitang ito; marahil ay kinamumuhian mo ang mga ito; o marahil pa nga ay may malaking interes ka sa mga iyon. Anuman ang sitwasyon, sana ay kayang harapin ng lahat ng tunay na nasasabik na magpakita ang Diyos ang katunayang ito at mabigyan ito ng kanilang maingat na pagsusuri, sa halip na magsalita nang patapos tungkol dito; iyan ang dapat gawin ng isang matalinong tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 282

Sa paniniwala sa Diyos, paano dapat makilala ng isang tao ang Diyos? Dapat niyang makilala ang Diyos batay sa mga salita at sa gawain ng Diyos ngayon, nang walang paglihis o kamalian, at, bago ang lahat, dapat niyang mabatid ang gawain ng Diyos. Ito ang pundasyon ng pagkakilala sa Diyos. Lahat yaong iba’t ibang kamaliang salat sa dalisay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay mga relihiyosong kuru-kuro; ang mga ito ay lihis at maling mga pagkaunawa. Ang pinakamalaking kasanayan ng mga kilalang tao sa relihiyon ay ang pagkuha sa mga salita ng Diyos na naintindihan noong nakaraan at pagkumpara ng mga salita ng Diyos ngayon sa mga ito. Kung, habang pinaglilingkuran ang Diyos ng ngayon, kumakapit ka sa mga bagay na ibinunyag ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu noong nakaraan, magdudulot ang paglilingkod mo ng paggambala, at magiging lipas na sa panahon ang pagsasagawa mo, walang iba kundi seremonyang pangrelihiyon. Kung naniniwala kang yaong mga pinaglilingkuran ang Diyos ay dapat mapagpakumbaba at matiisin sa panlabas, bukod sa iba pang mga katangian, at kung isasagawa mo ang ganitong uri ng kaalaman ngayon, ang ganitong kaalaman ay isang relihiyosong kuru-kuro; ang ganitong pagsasagawa ay naging mapagkunwaring pagtatanghal. Tumutukoy sa mga bagay na lipas na ang pariralang “mga relihiyosong kuru-kuro” (kabilang ang pagkaunawa sa mga salitang sinabi na dati ng Diyos at ang liwanag na tuwirang ibinunyag ng Banal na Espiritu), at kung isasagawa ang mga ito ngayon, gagambalain ng mga ito ang gawain ng Diyos at hindi magdadala ng pakinabang sa tao. Kung hindi magagawang alisin ng mga tao mula sa mga sarili nila yaong mga bagay na kabilang sa mga relihiyosong kuru-kuro, magiging matinding sagabal ang mga bagay na ito sa paglilingkod nila sa Diyos. Ang mga taong may mga relihiyosong kuru-kuro ay walang paraan upang makasabay sa mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu—nahuhuli sila nang isang hakbang, pagkatapos ay dalawa. Ito ay dahil ang mga relihiyosong kuru-kuro na ito ay nagdudulot sa tao na maging sobrang mapagmagaling at mapagmataas. Walang nararamdamang pangungulila ang Diyos para sa sinabi at ginawa Niya noong nakaraan; kung lipas na ang isang bagay, inaalis Niya ito. Tunay bang hindi mo kayang bitawan ang mga kuru-kuro mo? Kung kumakapit ka sa mga salitang sinabi ng Diyos noong nakaraan, pinatutunayan ba nito na nababatid mo ang gawain ng Diyos? Kung hindi mo kayang tanggapin ang liwanag ng Banal na Espiritu ngayon, at sa halip ay kumakapit ka sa liwanag ng nakalipas, mapatutunayan ba nito na sinusundan mo ang mga yapak ng Diyos? Hindi mo pa rin ba kayang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro? Kung gayon, magiging isa kang taong sumasalungat sa Diyos.

Kung kayang bitawan ng mga tao ang mga relihiyosong kuru-kuro, hindi nila gagamitin ang mga isip nila para sukatin ang mga salita at gawain ng Diyos ngayon, at sa halip ay tuwirang susunod. Bagamat ang gawain ng Diyos ngayon ay maliwanag na hindi katulad ng sa nakaraan, hindi mo pa rin magawang bitawan ang mga pananaw ng nakalipas at tuwirang sumunod sa gawain ng Diyos ngayon. Kung may kakayahan kang maunawaan na dapat mong bigyan ng kataas-taasang posisyon ang gawain ng Diyos ngayon, paano man Siya gumawa noong nakaraan, isa kang tao na nabitawan na ang mga kuru-kuro niya, na sumusunod sa Diyos, at na kayang sumunod sa gawain at mga salita ng Diyos at sundan ang mga yapak Niya. Sa ganito, magiging isa kang taong tunay na sumusunod sa Diyos. Hindi mo sinusuri o masusing sinisiyasat ang gawain ng Diyos; ito ay para bang nakalimutan na ng Diyos ang dati Niyang gawain, at nakalimutan mo na rin ito. Ang kasalukuyan ay ang kasalukuyan, at ang nakaraan ay ang nakaraan, at yamang ngayon, isinantabi na ng Diyos ang ginawa Niya noong nakalipas, hindi ka dapat manahan dito. Tanging ang ganitong tao lamang ang taong lubos na sumusunod sa Diyos at tuluyang bumitiw na sa mga relihiyosong kuru-kuro niya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 283

Sapagkat palaging mayroong mga bagong pagsulong sa gawain ng Diyos, may gawaing nagiging lipas na at luma sa pag-usbong ng bagong gawain. Ang magkakaibang uring ito ng gawain, luma at bago, ay hindi magkakasalungat, kundi magkakatugma; ang bawat hakbang ay sumusunod sa nauna. Sapagkat may bagong gawain, mangyari pa, dapat alisin ang mga lumang bagay. Halimbawa, ang ilan sa mga matatagal nang itinatag na pagsasagawa at nakaugaliang mga kasabihan ng tao, kaakibat ng maraming taong karanasan at mga aral ng tao, ay bumuo ng lahat ng uri at anyo ng mga kuru-kuro sa isip ng tao. Na hindi pa ganap na ibinubunyag ng Diyos ang tunay Niyang mukha at likas na disposisyon sa tao, kasama ng pagkalat, sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyunal na teorya mula sa mga sinaunang panahon ay hindi pa mas nababagay sa pagbuo ng tao ng ganitong mga kuru-kuro. Maaaring sabihin na, sa buong panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t ibang mga kuru-kuro ay humantong sa patuloy na pagkabuo at ebolusyon ng lahat ng mga uri ng mga kuru-kurong pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, na nagdulot sa maraming relihiyosong taong naglilingkod sa Diyos na maging kaaway Niya. Kaya, habang mas lumalakas ang mga relihiyosong kuru-kuro ng mga tao, mas lalo nilang sinasalungat ang Diyos, at mas lalo silang mga kaaway ng Diyos. Palaging bago at hindi kailanman luma ang gawain ng Diyos; hindi ito kailanman bumubuo ng doktrina, sa halip ay patuloy na nagbabago at pinananariwa sa mas malaki o sa mas maliit na saklaw. Ang paggawa sa paraang ito ay isang pagpapahayag ng likas na disposisyon ng Diyos Mismo. Ito rin ang likas na prinsipyo ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan kung paano nagagawa ng Diyos ang pamamahala Niya. Kung hindi gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang tao o magagawang makilala ang Diyos, at hindi matatalo si Satanas. Kaya naman, sa gawain Niya, patuloy na nangyayari ang mga pagbabago na mukhang paiba-iba, ngunit sa katotohanan ay pana-panahon. Subalit, ang paraan kung paano naniniwala ang tao sa Diyos ay lubos na naiiba. Kumakapit siya sa luma at pamilyar na mga doktrina at mga kaparaanan, at habang mas luma ang mga ito, mas kasiya-siya ang mga ito sa kanya. Paanong tatanggapin ng hangal na isip ng tao, na isang isip na kasintigas ng bato, ang napakaraming di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Kinasusuklaman ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto niya lamang ay ang lumang Diyos, na matanda na, puti ang buhok, at hindi umaalis sa lugar. Kaya naman, sapagkat may kanya-kaniyang mga gusto ang Diyos at ang tao, naging kaaway ng Diyos ang tao. Umiiral pa rin ang marami sa mga pagkakasalungatang ito kahit ngayon, sa panahong gumagawa na ng bagong gawain ang Diyos sa loob ng halos anim na libong taon. Kung gayon, hindi na malulunasan ang mga ito. Marahil dahil ito sa katigasan ng ulo ng tao, o ang pagiging hindi nalalabag ninuman ng mga atas administratibo ng Diyos—ngunit kumakapit pa rin sa mga inaamag na lumang libro at mga papel yaong mga lalaki at babaeng pastor, habang nagpapatuloy ang Diyos sa hindi pa nakukumpletong gawain Niya ng pamamahala, na parang wala Siyang kasama sa tabi Niya. Bagaman ang mga pagkakasalungatang ito ay ginagawang magkaaway ang Diyos at ang tao, at ni hindi pa maaaring lutasin, hindi binibigyang pansin ng Diyos ang mga ito, na para bang sabay silang nandoon at wala roon. Gayunman, nananatili pa rin ang tao sa mga paniniwala at mga kuru-kuro niya, at hindi kailanman binibitawan ang mga ito. Subalit isang bagay ang maliwanag: Bagamat hindi lumilihis ang tao sa paninindigan niya, palaging gumagalaw ang mga paa ng Diyos, at palagi Niyang binabago ang paninindigan Niya ayon sa kapaligiran. Sa huli, ang tao ang siyang matatalo nang walang laban. Ang Diyos, samantala, ay ang pinakamatinding kaaway ng lahat ng mga kalabang tinalo Niya, at Siya rin ang kampeon ng sangkatauhan, ng parehong natalo at hindi natalo. Sino ang maaaring makipagpaligsahan sa Diyos at maging matagumpay? Tila mula sa Diyos ang mga kuru-kuro ng tao sapagkat nabuo ang marami sa mga ito kasunod ng gawain ng Diyos. Gayunman, hindi pinapatawad ng Diyos ang tao dahil dito, at, bukod dito, hindi rin Siya nagbubuhos ng papuri sa tao sa paggawa ng mga bungkos ng mga produktong “para sa Diyos” kasunod ng gawain Niya, na nasa labas ng gawain Niya. Sa halip, labis Siyang nasusuklam sa mga kuru-kuro at mga luma at relihiyosong paniniwala ng tao, at hindi man lamang naiisip na kilalanin ang petsa kung kailan unang lumitaw ang mga kuru-kuro na ito. Hindi Niya tinatanggap ni katiting na dulot ng gawain Niya ang mga kuru-kuro na ito, sapagkat ang mga kuru-kuro ng tao ay ipinalalaganap ng tao; ang pinagmulan ng mga ito ay ang mga saloobin at isip ng tao—hindi ng Diyos, kundi ni Satanas. Ang layunin ng Diyos ay palaging para ang gawain Niya ay maging bago at buhay, hindi luma at patay, at kung ano ang pinasusunod Niya sa tao ay nag-iiba alinsunod sa kapanahunan at panahon, at hindi walang-hanggan at di-nagbabago. Ito ay dahil isa Siyang Diyos na nagdudulot sa tao na mabuhay at maging bago, sa halip na isang diyablo na nagdudulot sa tao na mamatay at tumanda. Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito? May mga kuru-kuro ka tungkol sa Diyos at wala kang kakayahang bitawan ang mga ito dahil sarado ang isip mo. Hindi ito dahil may napakakaunting katuturan sa gawain ng Diyos, ni dahil humihiwalay ang gawain ng Diyos sa mga pantaong hangarin, ni, bukod dito, dahil sa palaging pabaya ang Diyos sa mga tungkulin Niya. Hindi mo mabitawan ang mga kuru-kuro mo dahil masyado kang salat sa pagsunod, at sapagkat wala ka ni katiting na wangis ng isang nilikhang nilalang; hindi ito dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ikaw ang nagsanhi ng lahat ng ito, at wala itong kaugnayan sa Diyos; nilikha ng tao ang lahat ng pagdurusa at kasawian. Palaging mabuti ang mga saloobin ng Diyos: Hindi Niya nais na magdulot sa iyo na bumuo ng mga kuru-kuro, kundi nagnanais na magbago ka at mapanariwa sa paglipas ng mga kapanahunan. Subalit hindi mo alam kung ano ang mabuti para sa iyo, at palagi kang masusing nagsisiyasat o nagsusuri. Hindi sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, kundi wala kang paggalang sa Diyos, at napakatindi ng pagsuway mo. Isang maliit na nilikhang nilalang, na nangangahas na kunin ang ilang walang-kuwentang bahagi ng dati nang ibinigay ng Diyos, pagkatapos ay babaling at gagamitin ito upang salakayin ang Diyos—hindi ba ito ang pagsuway ng tao? Patas sabihin na ang mga tao ay lubos na hindi karapat-dapat na magpahayag ng mga pananaw nila sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila karapat-dapat na ipangalandakan ang kanilang walang halaga, mabaho, bulok, at mabulaklak na wika nang ayon sa nais nila—bukod pa sa yaong inaamag na mga kuru-kuro. Hindi ba sila mas lalo pang walang halaga?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 284

Palaging sumusulong ang gawain ng Diyos, at bagama’t hindi nagbabago ang layunin ng Kanyang gawain, palaging nagbabago ang pamamaraan ng Kanyang paggawa, na nangangahulugan na yaong mga sumusunod sa Diyos ay palagi ring nagbabago. Kapag mas marami ang gawaing ginagawa ng Diyos, mas lubos ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos. Nagbabago rin ang disposisyon ng tao kapag nagsisimula ang gawain ng Diyos. Gayunman, ito ay dahil ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago kaya yaong mga hindi nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu at yaong mga kakatwang taong hindi nakakaalam sa katotohanan ay nagiging mga taong lumalaban sa Diyos. Hindi kailanman umaayon ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, sapagkat ang Kanyang gawain ay laging bago at hindi kailanman luma, at hindi Niya inuulit kailanman ang lumang gawain, kundi sa halip ay sumusulong sa gawaing hindi pa nagawa noon. Dahil hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging hinuhusgahan ng tao ang kasalukuyang gawain ng Diyos batay sa gawaing Kanyang ginawa noong araw, naging napakahirap na isakatuparan ng Diyos ang bawat yugto ng gawain ng bagong kapanahunan. Napakaraming problema ng tao! Masyado siyang makaluma sa kanyang pag-iisip! Walang sinumang nakakaalam sa gawain ng Diyos, subalit nililimitahan iyon ng lahat. Kapag tinatalikuran ng tao ang Diyos, nawawalan siya ng buhay, katotohanan, at mga pagpapala ng Diyos, subalit hindi rin siya tumatanggap ng buhay ni ng katotohanan, lalo na ng mas malalaking pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Nais ng lahat ng tao na makamit ang Diyos, subalit hindi nila matanggap ang anumang mga pagbabago sa gawain ng Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay naniniwala na ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, na nananatili itong nakatigil magpakailanman. Sa kanilang paniniwala, ang kailangan lamang para matamo ang walang-hanggang kaligtasan mula sa Diyos ay sundin ang kautusan, at basta’t pinagsisisihan at ikinukumpisal nila ang kanilang mga kasalanan, palaging malulugod ang kalooban ng Diyos. Akala nila, ang Diyos ay maaari lamang maging Diyos sa ilalim ng kautusan at ang Diyos na ipinako sa krus para sa tao; akala rin nila, ang Diyos ay hindi dapat at hindi maaaring lumampas sa Bibliya. Ang mga pag-aakalang ito mismo ang nakagapos sa kanila nang mahigpit sa mga lumang kautusan at ipinako sila sa mga patay na panuntunan. Marami pa ngang naniniwala na anupaman ang bagong gawain ng Diyos, kailangan itong patunayan ng mga propesiya, at na sa bawat yugto ng gayong gawain, lahat ng sumusunod sa Kanya nang may “tapat” na puso ay kailangan ding pakitaan ng mga paghahayag; kung hindi, ang gawaing iyon ay hindi maaaring maging gawain ng Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos. Dagdag pa ang kakatwang puso ng tao at ang likas niyang pagkasuwail sa pagpapahalaga sa sarili at kahambugan, lalong nagiging mas mahirap para sa kanya na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Hindi sinisiyasat nang mabuti ng tao ang bagong gawain ng Diyos, ni hindi niya ito tinatanggap nang mapagkumbaba; sa halip, ugali niya ang manlait habang hinihintay niya ang mga paghahayag at patnubay ng Diyos. Hindi ba ito ang asal ng mga naghihimagsik at lumalaban sa Diyos? Paano makakamit ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?

Sabi ni Jesus, ang gawain ni Jehova ay napag-iwanan sa Kapanahunan ng Biyaya, tulad ng sinasabi Ko ngayon, na ang gawain ni Jesus ay napag-iwanan rin. Kung nagkaroon lamang ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi sana napako sa krus si Jesus at hindi natubos ang buong sangkatauhan. Kung nagkaroon lamang ng Kapanahunan ng Kautusan, umunlad kaya ang sangkatauhan na tulad ngayon? Sumusulong ang kasaysayan, at hindi ba likas na batas ng gawain ng Diyos ang kasaysayan? Hindi ba ito isang paglalarawan ng Kanyang pamamahala sa tao sa buong sansinukob? Sumusulong ang kasaysayan, pati na ang gawain ng Diyos. Ang kalooban ng Diyos ay patuloy na nagbabago. Hindi Siya maaaring manatili sa iisang yugto ng gawain sa loob ng anim na libong taon, sapagkat tulad ng alam ng lahat, palaging bago ang Diyos at hindi kailanman luma, at hindi posibleng patuloy Niyang gawin ang gawaing tulad ng pagpapako sa krus, ang maipako sa krus nang isa, dalawa, tatlong beses…. Katawa-tawang isipin ang gayon. Hindi patuloy na ginagawa ng Diyos ang iisang gawain; ang Kanyang gawain ay palaging nagbabago at palaging bago, tulad ng kung paano Ako sumasambit ng mga bagong salita sa inyo at gumagawa ng bagong gawain bawat araw. Ito ang gawaing Aking ginagawa, at ang mahalaga rito ay ang mga salitang “bago” at “kamangha-mangha.” “Ang Diyos ay hindi nagbabago, at ang Diyos ay palaging magiging Diyos”: ang kasabihang ito ay talagang totoo; ang kakanyahan ng Diyos ay hindi nagbabago, ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi Siya magiging Satanas kailanman, ngunit hindi nito pinatutunayan na ang Kanyang gawain ay palagian at hindi nagbabago na tulad ng Kanyang kakanyahan. Ipinapahayag mo na ang Diyos ay hindi nagbabago, ngunit paano mo maipaliliwanag, kung gayon, na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalaganap at palaging nagbabago, at ang Kanyang kalooban ay patuloy na ipinamamalas at ipinaaalam sa tao. Habang nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, ang kanyang disposisyon ay patuloy na nagbabago, tulad ng kanyang kaalaman. Saan galing, kung gayon, ang pagbabagong ito? Hindi ba mula sa gawain ng Diyos na palaging nagbabago? Kung ang disposisyon ng tao ay maaaring magbago, bakit hindi matulutan ng tao na patuloy ring magbago ang Aking gawain at Aking mga salita? Kailangan ba Akong sumailalim sa mga paghihigpit ng tao? Dito, hindi ka ba gumagamit ng mga sapilitang argumento at maling pangangatwiran?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 285

Nabasa ng lahat ng Hudyo ang Lumang Tipan at alam nila ang propesiya ni Isaias na may isang sanggol na lalaki na isisilang sa isang sabsaban. Kung gayon, bakit inusig pa rin nila si Jesus sa kabila ng lubos na pagkaalam sa propesiyang ito? Hindi ba dahil sa kanilang likas na pagkasuwail at kamangmangan tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa panahong iyon, naniwala ang mga Pariseo na ang gawain ni Jesus ay naiiba sa alam nila tungkol sa ipinropesiyang sanggol na lalaki, at tinatanggihan ng mga tao ngayon ang Diyos dahil hindi sang-ayon sa Bibliya ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba pareho ang diwa ng kanilang pagkasuwail sa Diyos? Matatanggap mo ba, nang walang pag-aalinlangan, ang buong gawain ng Banal na Espiritu? Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ito ang tamang daloy, at dapat mong tanggapin ito nang walang anumang mga pagdududa; hindi mo dapat piliin kung ano ang iyong tatanggapin. Kung magkamit ka ng mas maraming kabatiran sa Diyos at mas maingat ka sa Kanya, hindi ba ito kalabisan? Hindi mo kailangang humanap ng iba pang patunay mula sa Bibliya; kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, kailangan mong tanggapin ito, sapagkat naniniwala ka sa Diyos upang sundan ang Diyos, at hindi mo Siya dapat siyasatin. Hindi ka dapat maghanap ng iba pang katibayan tungkol sa Akin upang patunayan na Ako ang iyong Diyos, kundi dapat mong mahiwatigan kung may pakinabang Ako sa iyo—ito ang pinakamahalaga. Kahit makakita ka ng maraming di-mapabulaanang patunay sa Bibliya, hindi ka nito lubos na maihaharap sa Akin. Mamumuhay ka lamang sa loob ng sakop ng Bibliya, at hindi sa Aking harapan; hindi ka matutulungan ng Bibliya na makilala Ako, ni hindi nito mapapalalim ang pagmamahal mo sa Akin. Bagama’t ipinropesiya sa Bibliya na isisilang ang isang sanggol na lalaki, walang sinumang makakaarok kung kanino matutupad ang propesiya, sapagkat hindi alam ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ang dahilan kaya nilabanan ng mga Pariseo si Jesus. Alam ng ilan na ang Aking gawain ay para sa interes ng tao, subalit patuloy silang naniniwala na si Jesus at Ako ay dalawang ganap na magkahiwalay, at hindi magkatugma. Sa panahong iyon, nagbigay lamang ng sunud-sunod na sermon si Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Kapanahunan ng Biyaya tungkol sa mga paksa kung paano magsagawa, paano magtipun-tipon, paano magmakaawa sa panalangin, paano tratuhin ang iba, at iba pa. Ang gawaing Kanyang isinagawa ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at ipinaliwanag lamang Niya kung paano nararapat magsagawa ang mga disipulo at yaong mga sumunod sa Kanya. Ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at wala Siyang ginawa sa gawain ng mga huling araw. Nang itakda ni Jehova ang batas ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa noon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya maagang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba ito makakatulong na tanggapin ito ng tao? Ipinropesiya lamang Niya na isisilang ang isang sanggol na lalaki at magiging makapangyarihan, ngunit hindi Niya isinagawa nang maaga ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawat isang kapanahunan ay may malilinaw na hangganan; ginagawa lamang Niya ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan, at hindi Niya isinasakatuparan nang maaga ang sumunod na yugto ng gawain kailanman. Sa ganitong paraan lamang maisusulong ang Kanyang gawaing kumakatawan sa bawat kapanahunan. Nagsalita lamang si Jesus tungkol sa mga tanda ng huling mga araw, paano maging mapagpasensya at paano maligtas, paano magsisi at mangumpisal, at kung paano magpasan ng krus at magtiis ng hirap; hindi Niya kailanman binanggit kung paano dapat pumasok ang tao sa huling mga araw, ni kung paano niya dapat hangaring palugurin ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, hindi ba katawa-tawang saliksikin ang Bibliya para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang makikita mo sa paghawak lamang nang mahigpit sa Bibliya? Isa mang tagapaglahad ng Bibliya o isang mangangaral, sino ang makakakita nang maaga sa gawain ngayon?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 286

Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinahangad ang katotohanan ng buhay. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Pariseong ito ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Pariseo, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang mahiwatigan ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo lalabanan si Cristo? Nagagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung lalabanan mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay may kakayahang lahat na kalabanin si Jesus, na tanggihan si Jesus, na siraan Siya. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang tanggihan at laitin. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at mas maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagwasak ng mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtanggi sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo? Paano ninyo mauunawaan ang gawain ni Jesus kapag bumalik Siya sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang kategoryang pupuksain. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at nais lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa naman ninyo nasunod kailanman ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo natanggap kailanman ang katotohanang ipinahayag ni Jesus nang bumalik Siya sa katawang-tao. Ano ang panghahawakan ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbalik ni Jesus sakay ng puting ulap? Ang kataimtiman ba ninyo sa paulit-ulit na paggawa ng mga kasalanan, at pagkatapos ay pangungumpisal ng mga iyon, nang paulit-ulit? Ano ang iaalay ninyong sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sakay ng puting ulap? Ang mga taon ba ng paggawa kung saan dinadakila ninyo ang inyong sarili? Ano ang panghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang likas na kayabangan, na hindi sumusunod sa anumang katotohanan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 287

Ang inyong katapatan ay sa salita lamang, ang inyong kaalaman ay intelektuwal at haka-haka lamang, ang inyong mga pagpapagal ay alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ng langit, kaya nga paano kayo kailangang manampalataya? Kahit ngayon, nagbibingi-bingihan pa rin kayo sa bawat isang salita ng katotohanan. Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano magpitagan kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng mga panlilinlang ng tao. Ang alam mo lamang ay husgahan ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong kapakumbabaan? Nasaan ang iyong pagsunod? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong hangaring hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong pagpipitagan sa Diyos? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng pagsumpa. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Bibliya, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag mong masyadong itaas ang sarili. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalus-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong patutunguhan, alang-alang sa iyong mga inaasam, alang-alang sa iyong buhay, at huwag kang maglaro sa sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 288

Sa panahong iyon, ang bahagi ng gawain ni Jesus ay alinsunod sa Lumang Tipan, gayundin sa mga kautusan ni Moises at sa mga salita ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ginamit ni Jesus ang lahat ng ito upang isagawa ang bahagi ng Kanyang gawain. Nangaral Siya sa mga tao at tinuruan sila sa mga sinagoga, at ginamit Niya ang mga hula ng mga propeta sa Lumang Tipan upang sawayin ang mga Pariseong mayroong pagkapoot sa Kanya, at ginamit ang mga salita sa Banal na Kasulatan upang ibunyag ang kanilang pagsuway at sa gayon ay isumpa sila. Dahil kinamuhian nila ang ginawa ni Jesus; sa partikular, karamihan sa gawain ni Jesus ay hindi ayon sa mga kautusan sa Banal na Kasulatan, at, higit pa rito, ang Kanyang mga itinuro ay mas mataas kaysa sa kanilang mga sariling salita, at higit na mas mataas pa kaysa sa mga hula ng mga propeta sa Banal na Kasulatan. Ang gawain ni Jesus ay para lamang sa kapakanan ng pagtubos sa tao at ang pagpapapako sa krus. Kaya, hindi Niya kailangang higit pang mangusap upang malupig ang sinumang tao. Ang karamihan sa Kanyang mga itinuro sa tao ay mula sa mga salita sa Banal na Kasulatan, at kahit na ang Kanyang gawain ay hindi higit sa Banal na Kasulatan, naisagawa pa rin Niya ang gawaing pagpapapako sa krus. Ang Kanyang gawain ay hindi gawain ng salita, ni para sa kapakanan ng paglupig sa sangkatauhan, sa halip ito ay upang matubos ang sangkatauhan. Gumanap lang Siya bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, at hindi gumanap bilang mapagkukunan ng salita para sa sangkatauhan. Hindi Niya isinagawa ang gawain ng mga Hentil, na gawain ng panlulupig sa tao, kundi ang gawain ng pagpapapako sa krus, ang gawain na isinagawa sa mga naniniwala na mayroong Diyos. Kahit na ang Kanyang gawain ay naisakatuparan sa saligan ng Banal na Kasulatan, at ginamit Niya ang mga hula ng matatandang propeta upang isumpa ang mga Pariseo, ito ay sapat na upang matapos ang gawain ng pagpapapako sa krus. Kung ang gawain sa ngayon ay isinasagawa pa rin sa saligan ng mga hula ng matatandang propeta sa Banal na Kasulatan, magiging imposible na kayo ay malupig, dahil ang Lumang Tipan ay hindi naglalaman ng mga ulat ng hindi ninyo pagsunod at ng mga kasalanan ninyong mga Tsino, at walang kasaysayan ng inyong mga kasalanan. At kaya, kung ang gawaing ito ay nananatili pa rin sa Bibliya, hindi kayo kailanman susuko. Ang Bibliya ay nagtatala lang ng limitadong kasaysayan tungkol sa mga Israelita, isang hindi kayang itakda kung kayo ay mabuti o masama, o hatulan kayo. Ipagpalagay na kayo ay hahatulan Ko ayon sa kasaysayan ng mga Israelita—susundan pa rin ba ninyo Ako katulad ng inyong pagsunod ngayon? Alam ba ninyo kung gaano kayo kasutil? Kung walang binitiwang mga salita sa yugtong ito, magiging imposible ang pagtapos sa gawain ng paglupig. Dahil hindi Ako pumarito upang maipako sa krus, nararapat Akong magbitiw ng mga salita na hiwalay mula sa Bibliya, upang kayo ay malupig. Ang gawain na ginawa ni Jesus ay mas mataas lamang ng isang baitang kaysa sa Lumang Tipan; ito ay ginamit upang simulan ang isang kapanahunan, at upang pangunahan ang kapanahunang iyon. Bakit Niya sinasabing, “Ako’y naparito hindi upang sirain ang kautusan, kundi upang ganapin”? Subalit sa Kanyang gawain ay marami ang naiiba mula sa mga batas na isinagawa at mga utos na sinunod ng mga Israelita ng Lumang Tipan, sapagkat hindi Siya dumating upang sumunod sa batas, kundi para tuparin ito. Kasama sa proseso ng pagtupad nito ang maraming praktikal na bagay: Ang Kanyang gawain ay higit na praktikal at totoo, at, bukod pa roon, ito ay mas buhay, at hindi ang bulag na pagsunod sa mga patakaran. Hindi ba pinanatili ng mga Israelita ang Sabbath? Nang si Jesus ay dumating, hindi Siya sumunod sa Sabbath, sapagkat Kanyang sinabi na ang Anak ng tao ay ang Panginoon ng Sabbath, at kapag ang Panginoon ng Sabbath ay dumating, gagawin Niya ang gusto Niya. Siya ay dumating upang tuparin ang mga batas ng Lumang Tipan at upang baguhin ang mga batas. Ang lahat ng naisasagawa ngayon ay batay sa kasalukuyan, ngunit ito pa rin ay umaasa sa saligan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, at hindi lumalabag sa saklaw na ito. Ang bantayan ang inyong mga dila, at ang hindi pangangalunya, halimbawa—hindi ba’t ang mga ito ang mga kautusan ng Lumang Tipan? Ngayon, ang mga hinihingi sa inyo ay hindi lang limitado sa Sampung Utos, kundi binubuo ng mga utos at batas na may mas mataas na antas kaysa sa mga nauna, ngunit hindi ito nangangahulugan na nabuwag na yaong mga nauna, dahil ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay isinasagawa sa saligan ng yugto na dumating bago ito. Tungkol naman sa isinakatuparang gawain ni Jehova noon sa Israel, kagaya ng pag-utos sa mga tao na maghandog ng mga alay, igalang ang kanilang mga magulang, huwag sumamba sa mga diyus-diyosan, huwag manakit o sumumpa ng kapwa, huwag makiapid, huwag manigarilyo o uminom, at huwag kumain ng mga patay na bagay o uminom ng dugo—hindi ba ito ang bumubuo sa saligan ng inyong pagsasagawa maging sa kasalukuyan? Sa saligan ng nakaraan na ang gawain ay naipapatupad hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t ang mga batas ng nakaraan ay hindi na binabanggit, at may mga bagong kahilingan nang ginawa sa iyo, ang mga batas na ito, malayo sa pagkakaalis, ay naitaas sa halip. Ang sabihin na ang mga ito ay naalis na ay nangangahulugan na ang nakaraang kapanahunan ay lipas na sa panahon, samantalang mayroong ilang utos na dapat mong igalang magpakailanman. Ang mga utos ng nakaraan ay isinagawa na, naging katauhan na ng tao, at hindi na kinakailangang bigyan ng natatanging diin ang mga utos na gaya ng “Huwag manigarilyo,” at “Huwag uminom,” at iba pa. Sa saligang ito, inilatag ang mga bagong utos alinsunod sa inyong mga pangangailangan sa kasalukuyan, alinsunod sa inyong tayog, at alinsunod sa gawain sa kasalukuyan. Ang pagtatakda ng mga utos para sa bagong kapanahunan ay hindi nangangahulugan ng pag-alis sa mga utos ng dating kapanahunan, kundi higit pang pagpapataas sa saligang ito, upang maging mas kumpleto ang mga pagkilos ng tao, at higit na nakaayon sa realidad. Kung ngayon ay kailangan lamang ninyo na sumunod sa mga utos at manahan sa mga kautusan ng Lumang Tipan sa parehong paraan tulad ng mga Israelita, at kung kailangan pa ninyong maisaulo ang mga kautusan na ibinigay ni Jehova, walang posibilidad na maaari kayong magbago. Kung kayo ay susunod lang sa yaong kakaunti at limitadong utos o magsasaulo ng di-mabilang na mga kautusan, ang inyong lumang disposisyon ay mananatiling nakatanim nang malalim, at walang magiging paraan upang ito ay bunutin. Kung gayon kayo ay lalo’t lalong magiging masama, at walang sinuman sa inyo ang magiging masunurin. Ibig sabihin, walang kakayahan ang ilang payak na utos o di-mabilang na mga kautusan upang kayo ay tulungang malaman ang mga gawa ni Jehova. Hindi kayo katulad ng mga Israelita: Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at pagsasaulo ng mga utos, nasaksihan nila ang mga gawa ni Jehova, at inalay lamang ang kanilang debosyon sa Kanya, ngunit hindi ninyo ito nakakamit, at ang ilang utos sa kapanahunan ng Lumang Tipan ay walang kakayahan upang kayo ay mahikayat na ibigay ang inyong mga puso, o na protektahan kayo, kundi sa halip ay gagawin kayong pabaya, at sasanhiin kayong mahulog sa Hades. Sapagkat ang Aking gawain ay ang gawain ng paglupig, at nakatutok ito sa inyong pagsuway at sa inyong lumang disposisyon. Ang mabubuting salita ni Jehova at ni Jesus ay malayo sa matitinding salita ng paghatol ngayon. Kung wala ang matitinding salitang iyon, magiging imposible na malupig kayong mga “dalubhasa,” na naging masuwayin na sa loob ng libu-libong taon. Matagal nang nawala ang kapangyarihan sa inyo ng mga kautusan ng Lumang Tipan, at sobrang bigat ng paghatol ng kasalukuyan kaysa sa mga lumang kautusan. Ang pinakaangkop sa inyo ay ang paghatol, at hindi ang mababaw na mga paghihigpit ng mga kautusan, dahil hindi kayo ang sangkatauhan ng pinakaunang panahon, sa halip ay ang sangkatauhan na naging tiwali na sa loob ng libu-libong taon. Ang nararapat na makamit ng tao ngayon ay ayon sa tunay na kalagayan ng tao sa kasalukuyan, ayon sa kakayahan at talagang tayog ng tao sa kasalukuyan, at hindi kinakailangan na iyong sundin ang mga patakaran. Ito ay upang makamit ang mga pagbabago sa iyong lumang disposisyon, at upang maisantabi mo ang iyong mga kuru-kuro.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 289

Ang kasaysayan ay patuloy na sumusulong, at ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong. Upang marating ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala ang katapusan nito, kailangan nitong patuloy na umunlad pasulong. Kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat araw, kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat taon; kailangan Niyang magbukas ng mga bagong daan, magbukas ng mga bagong kapanahunan, magsimula ng bago at mas malaking gawain, at kasabay nito, magdala ng mga bagong pangalan at gawain. Ang Espiritu ng Diyos ay palaging gumagawa ng bagong gawain, at hindi kailanman kumakapit sa mga dating pamamaraan o mga patakaran. Ang Kanyang gawain ay hindi rin kailanman tumitigil, kundi lumilipas sa bawat paglipas ng panahon. Kung sinasabi mo na ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nagbabago, kung gayon bakit inutusan ni Jehova ang mga saserdote na paglingkuran Siya sa templo, ngunit hindi pumasok si Jesus sa templo bagama’t ang katunayan ay, nang Siya ay dumating, sinabi rin ng mga tao na Siya ang punong saserdote, at na Siya ay mula sa bahay ni David at ang punong saserdote rin, at ang dakilang Hari? At bakit hindi Siya naghandog ng mga alay? Ang pumasok sa templo o hindi—hindi ba gawain ng Diyos Mismo ang lahat ng ito? Kung, katulad ng ipinapalagay ng tao, si Jesus ay muling darating at tatawagin pa ring Jesus sa mga huling araw, at darating pa rin na nakasakay sa puting ulap, bumababa sa mga tao sa larawan ni Jesus: hindi ba ito isang pag-uulit ng Kanyang gawain? Kaya ba ng Banal na Espiritu na manatili sa luma? Ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao ay mga kuru-kuro, at ang lahat ng nauunawaan ng tao ay ayon sa literal na kahulugan, at ayon din sa kanyang likhang-isip; ang mga ito ay hindi tumutugma sa mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi umaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi gagawa ang Diyos sa ganoong paraan; hindi hangal at walang utak ang Diyos, at ang Kanyang gawain ay hindi kasingpayak ng iyong iniisip. Ayon sa lahat ng naguguni-guni ng tao, darating si Jesus na nakasakay sa isang ulap at bababa sa kalagitnaan ninyo. Mapagmamasdan ninyo Siya na, sakay ng puting ulap, magsasabi sa inyo na Siya si Jesus. Mapagmamasdan din ninyo ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, at inyong malalaman na Siya si Jesus. At kayo ay muli Niyang ililigtas, at Siya ang inyong magiging makapangyarihang Diyos. Kayo ay Kanyang ililigtas, at bibigyan ng bagong pangalan, at ang bawat isa sa inyo ay bibigyan Niya ng isang puting bato, pagkatapos nito, kayo ay pahihintulutan na makapasok sa kaharian ng langit at tatanggapin sa paraiso. Hindi ba’t ang mga paniniwalang ito ay mga kuru-kuro ng tao? Gumagawa ba ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao o Siya’y gumagawa nang salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay nagmumula kay Satanas? Hindi ba’t ginawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng tao? Kung ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ba’t Siya ay magiging si Satanas? Hindi ba’t magiging kapareho lang Niya ng uri ang mga nilalang Niya? Dahil ang mga nilalang Niya ay nagawa na ngayong napakatiwali ni Satanas, na ang tao ay naging pagsasakatawan na ni Satanas, kung gagawa ang Diyos ayon sa mga bagay ni Satanas, hindi ba’t magiging kakampi Siya ni Satanas? Paano mauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos? Kaya, hindi kailanman gagawa ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi Siya kailanman gagawa sa mga paraan na iyong ipinapalagay. Mayroong mga nagsasabi na sinabi ng Diyos Mismo na Siya ay darating na nasa ulap. Totoo na sinabi ito ng Diyos Mismo, ngunit hindi mo ba alam na walang tao ang makaaarok sa mga hiwaga ng Diyos? Hindi mo ba alam na walang tao ang makakapagpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Ikaw ba ay nakatitiyak nang walang bahid ng pagdududa na binigyang-liwanag at tinanglawan ka ng Banal na Espiritu? Tiyak na hindi sa ipinakita sa iyo ng Banal na Espiritu sa gayong tuwirang paraan? Ang Banal na Espiritu ba ang nagturo sa iyo ng mga ito, o ang mga sarili mong kuru-kuro ang nagdulot sa iyo na isipin ito? Sinabi mo, “Sinabi ito ng Diyos Mismo.” Ngunit hindi natin maaaring gamitin ang ating mga sariling kuru-kuro at pag-iisip upang sukatin ang mga salita ng Diyos. Para naman sa mga salita ni Isaias, kaya mo bang ipaliwanag nang may buong katiyakan ang kanyang mga salita? Pinangangahasan mo bang ipaliwanag ang kanyang mga salita? Dahil hindi ka naglalakas-loob na ipaliwanag ang mga salita ni Isaias, bakit ka nangangahas na ipaliwanag ang mga salita ni Jesus? Sino ang mas mataas, si Jesus o si Isaias? Yamang ang sagot ay si Jesus, bakit mo ipinaliliwanag ang mga salita ni Jesus? Sasabihin ba sa iyo ng Diyos ang Kanyang gawain nang pauna? Wala ni isang nilalang ang maaaring makaalam, kahit na ang mga sugo ng langit, ni ang Anak ng tao, kaya paano mo malalaman? Malaki ang kakulangan ng tao. Ang mahalaga sa inyo ngayon ay ang malaman ang tatlong yugto ng gawain. Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos. Ngayon, dapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng isang Diyos, ang gawain ng isang Espiritu. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 290

Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos, isa-isang hakbang; dapat siyang “sumunod sa Cordero saan man Siya pumaroon.” Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong labis na sumusunod sa mga titik at mga doktrina ay yaong mga naalis na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na nailalapat lamang sa mga naaayong kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maaalis ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Dahil nagkamit lamang ng maliit na gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; dahil nagkamit lamang ng maliit na kaalaman, hindi na siya nagpapatuloy sa pagsunod sa mga yapak ng mas bagong gawain ng Diyos; dahil nakakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad na niyang itinuturing na kahoy na imahen ang Diyos, at naniniwala na palaging mananatili ang Diyos sa ganoong anyo na nakikita sa harap niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; dahil nagkamit lamang ng mababaw na kaalaman, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang ipahayag ang isang disposisyon at kung ano ang Diyos na hindi talaga umiiral; at yamang natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpapahayag ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga ito ay mga taong hindi matatanggap ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay naniniwala sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “maniwala lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “naniniwala lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit tinututulan ang Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng sakop ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tinatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagka-mapanghimagsik ng tao? Ang mga Kristiyano sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng ngayon ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, kung ipagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang bawat isa sa kanilang mga kahilingan. Subali’t hindi nila masasabi nang tiyak kung bakit isasama sila ng Diyos sa ikatlong langit, o kung nakatitiyak ba sila kung paano sila tatanggapin ni Jesus na nakasakay sa puting ulap, lalong hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang naguguni-guni. Lahat sila ay nababahala, at nalilito; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay kukunin paitaas ng Diyos, ang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang kalooban ng Diyos—wala silang pagkaunawa sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang magagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Cordero hanggang sa katapus-tapusan ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang mga “tusong tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos na wala naman talagang dahilan, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na isasama sila ng Diyos sa langit, silang “mayroong lubos na katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “lubos na katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang tinututulan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at masama. Yaong mga hindi sumusunod hanggang sa katapus-katapusan, na hindi sumasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at kumakapit lamang sa mga lumang gawain ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging yaong mga sumasalungat sa Diyos, naging yaong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at siyang mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila? Marami pa nga ang naniniwala na ang lahat ng tumatanggi sa lumang kautusan at tumatanggap sa bagong gawain ay walang konsensya. Ang mga taong ito, na ang tanging sinasambit ay “budhi,” at hindi alam ang gawain ng Banal na Espiritu, sa kahuli-hulihan ay maiwawala ang kanilang mga inaasam-asam ng kanila mismong mga konsensya. Ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa doktrina, at bagama’t maaaring ito ay Kanyang sariling gawain, hindi pa rin kumakapit ang Diyos dito. Yaong dapat tanggihan ay tinatanggihan, kung ano ang dapat maalis ay inaalis. Ngunit inilalagay pa rin ng tao ang kanyang sarili sa galit sa Diyos sa pamamagitan ng pagkapit sa maliit na bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ba’t nakakatawa ang tao? Hindi ba’t ito ang kamangmangan ng tao? Mas mahina ang loob at sobrang maingat ang mga tao dahil sila ay takot na hindi magkamit ng pagpapala ng Diyos, mas hindi sila nagkakamit ng mas malalaking pagpapala, at pagtanggap ng pangwakas na pagpapala. Yaong mga tao na hamak na sumusunod sa kautusan ay nagpapakitang lahat ng kanilang sukdulang katapatan sa kautusan, at mas ipinakikita nila ang kanilang gayong katapatan sa kautusan, sila ay mas mga suwail na lumalaban sa Diyos. Dahil ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian at hindi ang Kapanahunan ng Kautusan, at ang gawain sa ngayon at ang gawain ng nakalipas ay hindi maaaring banggitin nang sabay, ni maikukumpara ang gawain ng nakaraan sa gawain sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay nagbago na, at ang pagsasagawa ng tao ay nagbago na rin; ito ay hindi para kumapit sa kautusan o magpasan ng krus, kaya’t ang katapatan ng mga tao sa kautusan at sa krus ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 291

Ang layunin ng paglupig sa iyo ngayon ay upang kilalanin mo na ang Diyos ay iyong Diyos at Diyos din ng iba, at ang pinakamahalaga ay Siya ang Diyos ng lahat ng nagmamahal sa Kanya, at ang Diyos ng lahat ng nilikha. Siya ang Diyos ng mga Israelita at ang Diyos ng mga tao sa Ehipto. Siya ang Diyos ng mga Briton at ang Diyos ng mga Amerikano. Hindi lamang Siya Diyos nina Adan at Eba, kundi Diyos din ng lahat ng inapo nila. Siya ang Diyos ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa. Lahat ng pamilya, Israelita man sila o Hentil, ay pawang nasa mga kamay ng iisang Diyos. Hindi lamang Siya gumawa sa Israel nang ilang libong taon at minsang isinilang sa Judea, kundi ngayon ay bumaba Siya sa Tsina, ang lugar na ito kung saan nakahimlay na nakapalupot ang malaking pulang dragon. Kung sa pagsilang sa Judea ay naging Hari Siya ng mga Hudyo, hindi ba sa pagbaba sa piling ninyong lahat ngayon ay naging Diyos Siya ninyong lahat? Ginabayan Niya ang mga Israelita at isinilang Siya sa Judea, at isinilang din Siya sa isang lupain ng mga Hentil. Hindi ba ginagawa ang lahat ng Kanyang gawain para sa buong sangkatauhan na Kanyang nilikha? Mahal ba Niya ang mga Israelita nang isandaang ulit at kinamumuhian ang mga Hentil nang isanlibong ulit? Hindi ba iyan ang inyong kuru-kuro? Hindi totoo na ang Diyos hindi ninyo naging Diyos kailanman, kundi sa halip ay hindi lamang ninyo Siya kinikilala; hindi totoo na ayaw ng Diyos na maging inyong Diyos, kundi sa halip ay ayaw ninyo sa Kanya. Sino sa mga nilikha ang wala sa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat? Sa paglupig sa inyo ngayon, hindi ba ang layunin ay upang kilalanin ninyo na ang Diyos ay walang iba kundi ang inyong Diyos? Kung iginigiit pa rin ninyo na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, at iginigiit pa rin ninyo na ang sambahayan ni David sa Israel ang pinanggalingan ng pagsilang ng Diyos, at na walang bansa maliban sa Israel ang karapat-dapat na “gumawa” ng Diyos, lalong hindi kaya ng sinumang pamilyang Hentil na personal na tanggapin ang gawain ni Jehova—kung ganito pa rin ang iniisip mo, hindi ba matigas ang ulo mo? Huwag kang magtuon palagi sa Israel. Narito mismo ang Diyos sa piling ninyo ngayon. Huwag ka ring tumingala palagi sa langit. Tumigil ka sa pangungulila sa iyong Diyos sa langit! Naparito na ang Diyos sa piling ninyo, kaya paano Siya mapupunta sa langit? Hindi ka naniwala sa Diyos sa loob ng napakahabang panahon, subalit napakarami mong kuru-kuro tungkol sa Kanya, hanggang sa hindi ka nangangahas kahit saglit na isipin na mamarapatin ng Diyos ng mga Israelita na biyayaan kayo ng Kanyang presensya. Lalo pang hindi kayo nangangahas na isipin kung paano ninyo makikita ang Diyos na magpakita nang personal, dahil talagang napakarumi ninyo. Ni hindi ninyo naisip kahit kailan kung paano maaaring personal na bumaba ang Diyos sa isang lupain ng mga Hentil. Dapat Siyang bumaba sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo at magpakita sa mga Israelita. Hindi ba kinamumuhian Niya ang lahat ng Hentil (ibig sabihin, ang mga tao sa labas ng Israel)? Paano Siya personal na gagawa sa kanila? Lahat ng ito ay mga kuru-kuro na malalim nang nag-ugat sa inyo sa paglipas ng maraming taon. Ang layunin ng paglupig sa inyo ngayon ay upang putulin ang mga kuru-kuro ninyong ito. Sa gayon ninyo namamasdan ang personal na pagpapakita ng Diyos sa inyo—hindi sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo, kundi sa mga taong hindi pa Niya nagabayan dati. Matapos isagawa ng Diyos ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, ang mga Israelita pati na ang lahat ng Hentil ay nagkaroon ng kuru-kuro na samantalang totoo na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, nakahanda lamang Siyang maging Diyos ng mga Israelita, hindi Diyos ng mga Hentil. Naniniwala ang mga Israelita sa mga sumusunod: Ang Diyos ay Diyos lamang namin, hindi Diyos ninyong mga Hentil, at dahil hindi ninyo sinasamba si Jehova, si Jehova kung gayon—ang aming Diyos—ay kinasusuklaman kayo. Naniniwala rin ang mga Hudyong iyon sa mga sumusunod: Ang Panginoong Jesus ay kamukha naming mga Hudyo at Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng tanda ng mga Hudyo. Sa amin gumagawa ang Diyos. Magkatulad ang larawan ng Diyos at ang aming larawan; ang aming larawan ay hawig sa Diyos. Ang Panginoong Jesus ang Hari naming mga Hudyo; ang mga Hentil ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng gayon kadakilang kaligtasan. Ang Panginoong Jesus ang handog dahil sa kasalanan para sa aming mga Hudyo. Batay lamang sa dalawang yugtong iyon ng gawain nabuo ng mga Israelita at Hudyo ang lahat ng kuru-kuro na ito. Mapagmataas nilang inaangkin na sa kanila lamang ang Diyos, at hindi pumapayag na ang Diyos ay Diyos din ng mga Hentil. Sa ganitong paraan, naging isang puwang ang Diyos sa puso ng mga Hentil. Ito ay dahil lahat ay naniwala na ayaw ng Diyos na maging Diyos ng mga Hentil at ang tanging gusto Niya ay ang mga Israelita—ang mga taong Kanyang hinirang—at ang mga Hudyo, lalo na ang mga disipulong sumunod sa Kanya. Hindi ba ninyo alam na ang gawaing ginawa nina Jehova at Jesus ay para sa ikaliligtas ng buong sangkatauhan? Kinikilala na ba ninyo ngayon na ang Diyos ay Diyos ninyong lahat na isinilang sa labas ng Israel? Hindi ba narito mismo ang Diyos sa piling ninyo ngayon? Hindi ito maaaring maging isang panaginip, hindi ba? Hindi ba ninyo tinatanggap ang realidad na ito? Hindi kayo nangangahas na maniwala rito o pag-isipan ito. Ano man ang tingin ninyo rito, hindi ba narito mismo ang Diyos sa inyong piling? Natatakot pa rin ba kayong maniwala sa mga salitang ito? Simula sa araw na ito, hindi ba lahat ng taong nalupig at lahat ng nais maging alagad ng Diyos ay mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ba lahat kayo, na mga alagad ngayon, ang mga taong hinirang sa labas ng Israel? Hindi ba kapareho ng mga Israelita ang inyong katayuan? Hindi ba ang lahat ng ito ang dapat ninyong tanggapin? Hindi ba ito ang layunin ng gawain ng panlulupig sa inyo? Dahil nakikita ninyo ang Diyos, Siya ang magiging Diyos ninyo magpakailanman, mula simula hanggang sa hinaharap. Hindi Niya kayo pababayaan, basta’t handa kayong lahat na sumunod sa Kanya at maging Kanyang tapat at masunuring mga nilalang.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 3

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 292

Kapag isinantabi mo ang iyong mga lumang kuru-kuro, saka ka lamang magkakamit ng bagong kaalaman, subalit ang lumang kaalaman ay hindi kinakailangang maging katumbas ng mga lumang kuru-kuro. Ang “mga kuru-kuro” ay tumutukoy sa mga bagay na nawari ng tao na taliwas sa realidad. Kung ang lumang kaalaman ay wala na sa uso sa lumang kapanahunan at pinigilan ang tao sa pagpasok sa bagong gawain, ang gayong kaalaman ay isa ring kuru-kuro. Kung nagagawang unawain nang tama ng tao ang gayong kaalaman at maaaring makilala ang Diyos mula sa ilang iba’t ibang aspeto, na pinagsasama ang luma at ang bago, ang lumang kaalaman ay nagiging isang tulong sa tao, at nagiging batayan ng pagpasok ng tao sa bagong kapanahunan. Sa aral sa pagkilala sa Diyos, kinakailangan mong magpakadalubhasa sa maraming prinsipyo: paano pumasok tungo sa landas ng pagkilala sa Diyos, aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan upang makilala ang Diyos, at paano mo aalisin ang iyong mga kuru-kuro at dating mga disposisyon upang makapagpasakop ka sa lahat ng mga plano ng bagong gawain ng Diyos. Kung ginagamit mo ang mga prinsipyong ito bilang pundasyon para mapakasok sa aral ng pagkilala sa Diyos, mas lalalim nang lalalim ang iyong kaalaman. Kung malinaw ang iyong kaalaman tungkol sa tatlong yugto ng gawain—na ibig sabihin, sa buong plano ng pamamahala ng Diyos—at kung kaya mong lubusang iugnay ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa kasalukuyang yugto, at makikita na ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, magkakaroon ka ng isang walang kasintatag na pundasyon. Ang tatlong yugto ng gawain ay ginawa ng isang Diyos; ito ang pinakadakilang pangitain, at ito ang tanging daan upang makilala ang Diyos. Ang tatlong yugto ay maaaring nagawa lamang ng Diyos Mismo, at walang taong maaaring makagawa ng gayong gawain para sa Kanya—na ibig sabihin ay ang Diyos lamang Mismo ang maaaring nakagawa ng Kanyang sariling gawain mula sa simula hanggang ngayon. Bagama’t ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay naisakatuparan sa magkaibang kapanahunan at lugar, at bagama’t ang gawain ng bawat isa ay magkaiba, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos. Sa lahat ng pangitain, ito ang pinakadakilang pangitaing dapat malaman ng tao, at kung ganap itong mauunawaan ng tao, magagawa niyang tumayo nang matatag. Ngayon, ang pinakamalaking problemang kinakaharap ng iba-ibang relihiyon at denominasyon ay na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nila makita ang pagkakaiba sa pagitan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng hindi gawain ng Banal na Espiritu—dahil dito, hindi nila masabi kung ang yugto ng gawaing ito, tulad ng huling dalawang yugto ng gawain, ay ginawa rin ng Diyos na Jehova. Bagama’t sinusunod ng mga tao ang Diyos, karamihan ay hindi pa rin masabi kung ito ang tamang daan. Nag-aalala ang tao kung ang daang ito ang daan na personal na pinangunahan ng Diyos Mismo, at kung ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay totoo, at karamihan sa mga tao ay wala pa ring ideya kung paano mahihiwatigan ang gayong mga bagay. Yaong mga sumusunod sa Diyos ay hindi matukoy ang daan, kaya nga ang mga mensaheng binibigkas ay babahagya ang epekto sa mga taong ito, at hindi kayang maging lubos na epektibo, kaya nga ito ay nakakaapekto sa pagpasok sa buhay ng gayong mga tao. Kung nakikita ng tao sa tatlong yugto ng gawain na isinagawa ng Diyos Mismo ang mga iyon sa magkaibang panahon, sa magkaibang lugar, at sa iba’t ibang tao; kung nakikita ng tao na bagama’t iba ang gawain, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos, at na dahil ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, tiyak na ito ay tama at walang mali, at na bagama’t taliwas ito sa mga kuru-kuro ng tao, hindi maikakaila na gawain ito ng isang Diyos—kung tiyakang masasabi ng tao na gawain ito ng isang Diyos, ang mga kuru-kuro ng tao ay magiging maliliit na bagay lamang, na hindi karapat-dapat na banggitin. Dahil malabo ang mga pangitain ng tao, at dahil kilala lamang ng tao si Jehova bilang Diyos, at si Jesus bilang ang Panginoon, at nagdadalawang-isip sila tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon, maraming tao ang nananatiling tapat sa gawain nina Jehova at Jesus, at puno sila ng mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng ngayon, karamihan ng mga tao ay laging nagdududa, at hindi sineseryoso ang gawain ng ngayon. Walang mga kuru-kuro ang tao sa huling dalawang yugto ng gawain, na hindi nakikita. Iyan ay dahil hindi nauunawaan ng tao ang realidad ng huling dalawang yugto ng gawain, at hindi nasaksihan nang personal ang mga iyon. Ito ay dahil ang mga yugtong ito ng gawain ay hindi maaaring makita ayon sa iniisip ng tao ayon sa gusto niya; anuman ang maisip niya, walang mga katunayang magpapatunay sa gayong mga imahinasyon, at walang sinumang magtutuwid dito. Binibigyang-laya ng tao ang kanyang pag-uugali, nang hindi nag-iingat at hindi pinipigilan ang kanyang imahinasyon; walang mga katunayang magpapatotoo sa kanyang mga imahinasyon, kaya nga ang mga imahinasyon ng tao ay nagiging “katunayan,” may katunayan ang mga iyon o wala. Sa gayon ay naniniwala ang tao sa sarili niyang Diyos na nabuo sa kanyang isipan, at hindi hinahanap ang Diyos ng realidad. Kung ang isang tao ay may isang uri ng paniniwala, sa isandaang tao ay may isandaang uri ng paniniwala. Ang tao ay nagtataglay ng gayong mga paniniwala dahil hindi pa niya nakita ang realidad ng gawain ng Diyos, dahil narinig lamang ito ng kanyang mga tainga at hindi nakita ng kanyang mga mata. Nakarinig na ang tao ng mga alamat at kuwento—ngunit bihira siyang makarinig ng kaalaman tungkol sa mga katunayan ng gawain ng Diyos. Sa gayon ang mga taong naging mga mananampalataya sa loob lamang ng isang taon ay naniniwala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kuru-kuro. Gayon din sa mga naniwala sa Diyos nang buong buhay nila. Yaong mga hindi nakakakita sa mga katunayan ay hindi makakatakas kailanman mula sa isang pananampalataya kung saan mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Naniniwala ang tao na napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa pagkabihag ng kanyang mga lumang kuru-kuro, at nakapasok na sa bagong teritoryo. Hindi ba alam ng tao na ang kaalaman ng mga hindi makakita sa tunay na mukha ng Diyos ay walang-iba kundi mga kuru-kuro at sabi-sabi? Iniisip ng tao na ang kanyang mga kuru-kuro ay tama at walang mali, at iniisip niya na ang mga kuru-kuro na ito ay nagmumula sa Diyos. Ngayon, kapag nasasaksihan ng tao ang gawain ng Diyos, malaya niyang ginagamit ang mga kuru-kuro na nabuo sa maraming taong nagdaan. Ang mga imahinasyon at ideya ng nakaraan ay naging hadlang sa gawain ng yugtong ito, at naging mahirap para sa tao na bitawan ang gayong mga kuru-kuro at pabulaanan ang gayong mga ideya. Ang mga kuru-kuro tungo sa paisa-isang hakbang ng gawaing ito ng marami sa mga nakasunod sa Diyos hanggang ngayon ay mas lalo pang tumindi, at ang mga taong ito ay unti-unting nakabuo ng matigas na pagkapoot sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinagmulan ng kapootang ito ay nasa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay naging kaaway ng gawain ng ngayon, gawaing taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Nangyari ito dahil mismo sa mga katunayang hindi nagtulot sa tao na bigyang-laya ang kanyang imahinasyon, at, bukod pa riyan, hindi ito madaling pabulaanan ng tao, at ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay hindi isinaalang-alang ang pag-iral ng mga katunayan, at, bukod pa riyan, dahil hindi iniisip ng tao ang pagiging tama at pagiging totoo ng mga katunayan, at desidido lamang siyang bigyang-laya ang kanyang mga kuru-kuro at gamitin ang kanyang sariling imahinasyon. Masasabi lamang na kagagawan ito ng mga kuru-kuro ng tao, at hindi masasabing kagagawan ng gawain ng Diyos. Maaaring wariin ng tao ang anumang nais niya, ngunit hindi niya maaaring tutulan ang anumang yugto ng gawain ng Diyos o anumang bahagi nito; ang katunayan ng gawain ng Diyos ay hindi masisira ng tao. Maaari mong bigyang-laya ang iyong imahinasyon, at ipunin pa ang magagandang kuwento tungkol sa gawain nina Jehova at Jesus, ngunit hindi mo maaaring pabulaanan ang katunayan ng bawat yugto ng gawain nina Jehova at Jesus; ito ay isang prinsipyo, at isa rin itong atas administratibo, at dapat ninyong maunawaan ang kahalagahan ng mga isyung ito. Naniniwala ang tao na ang yugtong ito ng gawain ay hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao, at na hindi ganito ang naunang dalawang yugto ng gawain. Sa kanyang imahinasyon, naniniwala ang tao na ang gawain ng naunang dalawang yugto ay siguradong hindi katulad ng gawain ng ngayon—ngunit naisip na ba ninyo na lahat ng prinsipyo ng gawain ng Diyos ay pare-pareho, na ang Kanyang gawain ay laging praktikal, at na, anuman ang kapanahunan, laging dadagsa ang mga taong lumalaban at kumokontra sa katunayan ng Kanyang gawain? Lahat ng lumalaban at kumokontra ngayon sa yugtong ito ng gawain ay walang-dudang kumontra na rin sa Diyos noong araw, sapagkat ang gayong mga tao ay laging magiging mga kaaway ng Diyos. Ituturing ng mga taong nakakaalam sa katunayan ng gawain ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain bilang gawain ng isang Diyos, at kalilimutan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Ito ang mga taong kilala ang Diyos, at ang gayong mga tao ay yaong mga tunay na sumusunod sa Diyos. Kapag malapit nang magwakas ang buong pamamahala ng Diyos, ibubukod ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa uri. Ang tao ay ginawa ng mga kamay ng Lumikha, at sa huli ay kailangan Niyang ganap na ibalik ang tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan; ito ang katapusan ng tatlong yugto ng gawain. Ang yugto ng gawain sa mga huling araw, at ang naunang dalawang yugto sa Israel at Judea, ay plano ng pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob. Walang sinumang makapagkakaila rito, at ito ang katunayan ng gawain ng Diyos. Bagama’t hindi pa naranasan o nasaksihan ng mga tao ang karamihan sa gawaing ito, ang mga katunayan ay mga katunayan pa rin, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Ang mga taong naniniwala sa Diyos sa bawat lupain ng sansinukob ay tatanggaping lahat ang tatlong yugto ng gawain. Kung isang partikular na yugto lamang ng gawain ang alam mo, at hindi mo nauunawaan ang dalawa pang yugto ng gawain, hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos noong nakalipas na mga panahon, hindi mo masasabi ang buong katotohanan ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, at isang panig lamang ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, sapagkat sa iyong paniniwala sa Diyos hindi mo Siya kilala o nauunawaan, at hindi ka karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos. Malalim man o mababaw ang iyong kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, sa huli, kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman, at kailangang lubos kayong makumbinsi, at lahat ng tao ay makikita ang kabuuan ng gawain ng Diyos at magpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Sa pagtatapos ng gawaing ito, lahat ng relihiyon ay magiging isa, lahat ng nilalang ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, lahat ng nilalang ay sasambahin ang isang tunay na Diyos, at lahat ng masamang relihiyon ay mauuwi sa wala, hindi na muling lilitaw kailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 293

Ang maunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos, ang epektong nakakamit ng Kanyang gawain sa tao at kung ano ba talaga ang kalooban ng Diyos para sa tao: ito ang dapat makamit ng bawat taong sumusunod sa Diyos. Ang kulang ngayon sa lahat ng tao ay ang kaalaman sa gawain ng Diyos. Ang mga gawa na nagawa na ng Diyos sa mga tao, ang kabuuan ng gawain ng Diyos, at kung ano ba talaga ang kalooban ng Diyos para sa tao, mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyang panahon—ito ang mga bagay na hindi nalalaman at hindi naiintindihan ng tao. Ang ganitong kakulangan ay hindi lamang nakikita sa buong relihiyosong mundo, kundi pati sa lahat ng mananampalataya sa Diyos. Kapag dumating ang araw na totoo mong namamasdan ang Diyos, kapag tunay mong pinahahalagahan ang karunungan Niya, kapag namamasdan mo ang lahat ng gawa na nagawa na ng Diyos, kapag nakikilala mo kung ano ang Diyos at kung ano ang mayroon Siya—kapag nakita mo na ang Kanyang kasaganaan, karunungan, kababalaghan, at lahat ng Kanyang nagawa na sa mga tao—saka mo makakamit ang tagumpay sa iyong pananampalataya sa Diyos. Nang sabihin na ang Diyos ay sumasaklaw sa lahat at masagana sa lahat, sa anong eksatong paraan Siya sumasaklaw sa lahat, at sa anong paraan Siya masagana sa lahat? Kung hindi mo ito nauunawaan, hindi ka maituturing na nananampalataya sa Diyos. Bakit ko sinasabi na ang mga nasa relihiyosong mundo ay hindi nananampalataya sa Diyos kundi mga masasamang tao, mga kauri ng diyablo? Kapag sinabi kong sila ay masasamang tao, ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang kalooban ng Diyos at hindi nila kayang makita ang Kanyang karunungan. Hindi kailanman ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila. Sila ay mga bulag. Hindi nila nakikita ang mga gawa ng Diyos, sila ay tinalikdan na ng Diyos, at ganap na walang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, pati na rin ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang lahat ng mga walang gawain ng Diyos ay masasamang tao at kalaban ng Diyos. Ang sinasabi ko na mga kalaban ng Diyos ay tumutukoy sa mga hindi nakakakilala sa Diyos, ang mga kumikilala sa Diyos sa kanilang mga pananalita ngunit hindi nakakakilala sa Kanya, mga sumusunod sa Diyos ngunit hindi tumatalima sa Kanya, at mga nagsasaya sa biyaya ng Diyos ngunit hindi kayang tumayo bilang saksi Niya. Kung walang pagkaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos o pagkaunawa sa gawain na ginagawa ng Diyos sa tao, hindi siya magiging kaayon ng kalooban ng Diyos, at hindi niya magagawang tumayong saksi ng Diyos. Ang dahilan kung bakit sumasalungat ang tao sa Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa kanyang tiwaling disposisyon, at sa kabilang banda, sa kamangmangan tungkol sa Diyos at sa kakulangan ng pagkaunawa sa mga prinsipyo kung paano gumagawa ang Diyos, at sa Kanyang kalooban para sa tao. Ang dalawang aspetong ito, kung pagsasamahin, ay bumubuo sa isang kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay sumasalungat sa Diyos dahil ang ganoong pagsalungat ay nasa kanilang kalikasan, samantalang ang pagsalungat sa Diyos ng mga maraming taon nang nananampalataya ay mula sa kanilang kamangmangan tungkol sa Kanya, bukod pa sa kanilang tiwaling disposisyon. Noong panahon bago nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung ang isang tao ay sumalungat sa Diyos ay batay sa kung tinupad niya ang mga kautusang itinakda ng Diyos sa langit. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sinumang hindi tumupad sa mga kautusan ni Jehova ay itinuring na sumalungat sa Diyos. Ang sinumang nagnakaw ng mga handog kay Jehova, o ang sinumang nanindigan laban sa mga pinaboran ni Jehova, ay itinuring na sumalungat sa Diyos at pupukulin ng bato hanggang kamatayan. Ang sinumang hindi gumalang sa kanyang ama at ina, at ang sinumang nanakit o nanumpa ng kapwa, ay itinuring na hindi tumupad sa mga kautusan. At ang lahat ng hindi tumupad sa kautusan ni Jehova ay itinuring na mga nanindigan laban sa Kanya. Hindi na ganito sa Kapanahunan ng Biyaya, kung kailan ang sinumang nanindigan laban kay Jesus ay itinuring na nanindigan laban sa Diyos, at ang sinumang hindi sumunod sa mga salitang binigkas ni Jesus ay itinuring na nanindigan laban sa Diyos. Sa panahong ito, ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos ay naging mas tumpak at mas praktikal. Sa panahong hindi pa nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung sumalungat ang tao sa Diyos ay batay sa kung ang tao ay sumamba at tumingala sa di-nakikitang Diyos na nasa langit. Ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos sa panahong iyon ay tunay ngang hindi praktikal, dahil hindi kayang makita ng tao ang Diyos, at hindi niya alam kung ano ang imahe ng Diyos, o kung paano Siya gumawa at nagsalita. Walang mga kuru-kuro ang tao sa Diyos, at ang paniniwala niya sa Diyos ay hindi malinaw, dahil hindi pa nagpakita ang Diyos sa tao. Samakatuwid, paano man naniwala sa Diyos ang tao sa kanyang imahinasyon, hindi hinatulan ng Diyos ang tao o kaya ay gumawa ng maraming kahilingan mula sa kanya, sapagkat hindi talaga kayang makita ng tao ang Diyos noon. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito upang gumawa kasama ng mga tao, ang lahat ay napagmasdan Siya at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang mga gawa na ginagawa ng Diyos mula sa Kanyang katawang-tao. Sa sandaling iyon, ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay naging mga bula. At para sa mga nakakita na sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila hahatulan kung kusang-loob silang tatalima sa Kanya, samantalang ang mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang naninindigan laban sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ngunit nakahanda pa rin at nagnanais na sumunod sa Kanya ay hindi mahahatulan. Hinahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga layunin at mga kilos, hindi kailanman sa kanyang mga kaisipan at ideya. Kung hahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga kaisipan at mga ideya, wala ni isang tao ang makatatakas mula sa puno ng galit na mga kamay ng Diyos. Ang mga sadyang naninindigan laban sa Diyos na nagkatawang-tao ay parurusahan dahil sa kanilang pagsuway. Tungkol sa mga taong ito na sadyang naninindigan laban sa Diyos, ang kanilang pagsalungat ay nagmumula sa katunayan na nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, na umaakay sa kanila sa mga pagkilos na nakagagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay sadyang lumalaban at sumisira sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sila nagtataglay ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nakikibahagi rin sila sa mga aktibidad na gumagambala sa Kanyang gawain, at dahil dito ang ganitong klase ng mga tao ay mahahatulan. Ang mga hindi sadyang gumagambala sa gawain ng Diyos ay hindi huhusgahan bilang mga makasalanan, sapagkat nagagawa nilang sumunod nang maluwag sa kanilang kalooban at hindi sila nakikibahagi sa mga aktibidad na nagdudulot ng paggambala at kaguluhan. Ang mga taong gaya nito ay hindi parurusahan. Gayunpaman, kapag naranasan na ng mga tao ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, kung patuloy silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at nananatili pa ring hindi nakaaalam sa mga gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at kung, gaano man karaming taon na nilang nararanasan ang Kanyang gawain, patuloy pa rin silang puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi pa rin nila Siya kayang makilala, kahit pa hindi sila nakikibahagi sa nakagagambalang mga akitibidad, ang kanilang mga puso ay puno pa rin ng maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, at kapag ang mga kuru-kurong ito ay hindi napansin, ang mga taong ito ay walang maitutulong sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang ipalaganap ang ebanghelyo para sa Diyos o tumayong saksi Niya. Ang mga taong gaya nito ay mga walang silbi at mga hangal. Dahil hindi nila nakikilala ang Diyos at higit pa rito ay ganap na walang kakayahang iwaksi ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, sila ay hinuhusgahan. Maaari itong sabihin nang ganito: Normal sa mga baguhan sa pananampalataya ang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos o ang kawalan ng kaalaman sa Kanya, ngunit para sa taong naniniwala na sa Diyos nang maraming taon at may sapat na karanasan sa gawain ng Diyos, hindi na normal para sa mga taong ito na ipagpatuloy ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro, at mas lalong hindi normal para sa taong gaya nito ang kawalan ng kaalaman sa Diyos. Ito ay sapagkat hindi isang normal na kalagayan ang sila ay mahusgahan. Ang lahat ng mga hindi normal na taong ito ay basura. Sila ang mga pinakasumasalungat sa Diyos at mga nagpakasaya sa biyaya ng Diyos nang para sa wala. Lahat ng ganitong mga tao ay aalisin sa huli!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 294

Ang sinumang hindi nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay sumasalungat sa Kanya, at ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ngunit hindi pa rin naghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos ay lalo pang higit na ituturing na kalaban ng Diyos. Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may “magagandang konstitusyon,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga nagpaparangal sa kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at, higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat kahit pa sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay walang patotoo ng Diyos, mapagmataas at puno ng kayabangan. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang kaalaman sa Diyos, sa kabila ng kanilang aktuwal na karanasan at praktikal na kaalaman tungkol sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang mga ganitong tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nakauunawa sa kalooban ng Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at higit pa rito ay mayroong pag-iisip na makibahagi sa paghihimagsik, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nagbibigay ng hatol sa Diyos ay mga kalaban ng Diyos, at ang sinumang hindi kayang makilala ang Diyos o magpatotoo sa Kanya ay kalaban ng Diyos. Kaya hinihimok ko kayo: Kung tunay ngang mayroon kayong pananampalataya na makakaya ninyong tahakin ang landas na ito, ipagpatuloy ang pagsunod dito. Ngunit kung hindi ninyo kayang umiwas sa pagsalungat sa Diyos, pinakamabuting lumayo na kayo bago maging huli ang lahat. Kung hindi, ang pagkakataon na makasama sa inyo ang mga bagay-bagay ay lubhang mataas, sapagkat ang inyong kalikasan ay talagang labis na tiwali. Wala kayong kahit karampot o katiting na katapatan o pagsunod, o pusong uhaw sa pagkamakatuwiran at katotohanan, o pag-ibig para sa Diyos. Maaaring sabihin na ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay lubos na magulo. Hindi ninyo magawang sumunod sa nararapat ninyong sundin, at hindi ninyo kayang sabihin ang nararapat ninyong sabihin. Nabigo kayong isagawa ang nararapat ninyong isagawa. At ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan, hindi ninyo nakayanang gampanan. Wala kayong katapatan, konsensya, pagsunod, o kapasiyahan na dapat ay mayroon kayo. Hindi pa ninyo natiis ang pagdurusa na nararapat ninyong tiisin, at wala kayo ng pananampalatayang nararapat ninyong taglayin. Sa madaling sabi, lubos ang inyong kasalatan sa anumang kabutihan: Hindi ba kayo nahihiya na patuloy na mabuhay? Hayaan ninyong kumbinsihin ko kayo na mas mabuti pang isara ninyo ang inyong mga mata sa walang hanggang kapahingahan, upang makaiwas ang Diyos mula sa pag-aalala sa inyo at sa pagdurusa para sa inyong kapakanan. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo nalalaman ang Kanyang kalooban, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ngunit hindi ninyo nagagawang sundin ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo Siya kilala, at nananatili kayong buhay na walang layuning pinagsisikapan, walang anumang mga pagpapahalaga, walang anumang kahulugan. Nabubuhay kayo bilang tao ngunit wala ni katiting na konsensya, integridad, o kredibilidad—matatawag n’yo pa rin ba ang inyong mga sarili na tao? Naniniwala kayo sa Diyos ngunit nililinlang ninyo Siya; bukod pa rito, kinukuha ninyo ang salapi ng Diyos at kinakain ang mga handog na para sa Kanya. Gayunman, sa huli ay bigo pa rin kayong magpakita ng kahit man lamang katiting na konsiderasyon para sa damdamin ng Diyos o kaunting konsensya tungo sa Kanya. Maging ang pinakasimpleng kahilingan ng Diyos ay hindi ninyo matugunan. Matatawag n’yo pa rin bang tao ang inyong mga sarili? Kinakain ninyo ang pagkaing ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos, nilalanghap ang hanging ibinibigay Niya sa inyo, at tinatamasa ang Kanyang biyaya, ngunit, sa huli, wala kayo ni kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Bagkus, kayo ay naging mga walang silbing sumasalungat sa Diyos. Hindi ba kayo nagiging tila hayop na mas mababa pa sa isang aso dahil dito? Sa lahat ng mga hayop, mayroon bang anuman na may mas masama pang hangarin kaysa sa inyo?

Ang mga pastor at nakatatanda na tumatayo sa mataas na pulpito at nagtuturo sa iba ay mga kalaban ng Diyos at mga kaanib ni Satanas. Hindi ba’t kayong mga hindi tumatayo sa mataas na pulpito at nagtuturo sa iba ay mas lalong kalaban ng Diyos? Hindi ba kayo, mas higit pa sa kanila, at mga kasabwat ni Satanas? Ang mga hindi nauunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos ay hindi alam kung paano maging kaayon ng kalooban ng Diyos. Walang alinlangan, hindi maaaring ang mga nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay hindi alam kung paano aayon sa kalooban ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman kamalian; sa halip, ang paghahangad ng tao ang siyang may kapintasan. Hindi ba’t ang mga masasama na sadyang sumasalungat sa Diyos ang mas nakatatakot at mas masasama kaysa sa mga pastor at nakatatandang mga namumuno? Marami ang mga sumasalungat sa Diyos, subalit sa kanila, mayroon ding iba’t ibang paraan kung paano nila sinasalungat ang Diyos. Kung paanong may iba’t ibang uri ng mananampalataya, mayroon ding iba’t ibang uri ng mga sumasalungat sa Diyos, ang bawat isa ay hindi katulad ng iba. Wala ni isa man sa mga nabigong makita nang malinaw ang layunin ng gawain ng Diyos ang maliligtas. Paano man sinalungat ng tao ang Diyos sa nakaraan, kapag naunawaan na ng tao ang layunin ng gawain ng Diyos at inihandog niya ang kanyang mga pagsisikap upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos, buburahin ng Diyos ang lahat ng kanyang mga kasalanan sa nakaraan. Hangga’t hinahanap ng tao ang katotohanan at isinasagawa ang katotohanan, hindi aalalahanin ng Diyos ang kanyang mga nagawa na. Higit pa rito, ang pagbibigay ng Diyos ng katuwiran sa tao ay batay sa pagsasagawa niya ng katotohanan. Ito ang pagkamakatuwiran ng Diyos. Bago pa nakita ng tao ang Diyos o naranasan ang Kanyang gawain, paano man kumilos ang tao tungo sa Diyos, hindi Niya ito isinasaisip. Gayunpaman, sa sandaling nakita na ng tao ang Diyos at naranasan ang Kanyang gawain, ang lahat ng gawa at kilos ng tao ay isusulat ng Diyos sa “mga talaan,” dahil nakita na ng tao ang Diyos at nabuhay sa gitna ng Kanyang gawain.

Kapag tunay na nakita na ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, kapag nakita na niya ang Kanyang pagiging kataas-taasan, at kapag tunay na niyang nalalaman ang gawain ng Diyos, at bukod pa rito, kapag nagbago ang dating disposisyon ng tao, saka lamang ganap na maiwawaksi ng tao ang kanyang mapanghimagsik na disposisyon na sumasalungat sa Diyos. Maaaring sabihin na minsan nang sumalungat ang bawat tao sa Diyos at ang bawat tao ay minsan na ring naghimagsik laban sa Diyos. Gayunman, kung kusa kang susunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at mula sa sandaling ito ay magbibigay-kasiyahan sa puso ng Diyos sa pamamagitan ng iyong katapatan, pagsasagawa ng katotohanan gaya nang nararapat, pagganap sa iyong tungkulin gaya nang nararapat, at pagsunod sa mga tuntunin gaya nang nararapat, ikaw nga ay handa nang iwaksi ang iyong pagiging-mapanghimagsik upang bigyang-kasiyahan ang Diyos at magagawang perpekto ng Diyos. Kung may pagmamatigas kang tatanggi na makita ang iyong mga pagkakamali at wala kang intensyon na magsisi, kung ipagpipilitan mo ang iyong mapanghimagsik na pag-uugali na wala ni katiting na intensyong makipagtulungan sa Diyos at mabigyan Siya ng kasiyahan, ang isang taong suwail at hindi na magbabago na tulad mo ay tiyak na parurusahan at siguradong hindi kailanman magiging isa sa mga gagawing perpekto ng Diyos. Kung ganoon, ikaw ay kaaway ng Diyos ngayon at bukas ay kaaway ka pa rin ng Diyos, at sa susunod na araw ay mananatili ka pa ring kaaway ng Diyos. Habambuhay kang magiging kalaban ng Diyos at kaaway ng Diyos. Kung magkagayon, paano ka pakakawalan ng Diyos? Likas sa tao ang sumalungat sa Diyos, ngunit hindi dapat sadyain ng tao ang paghanap sa “sikreto” ng pagsalungat sa Diyos dahil lamang sa ang pagbabago sa kanyang kalikasan ay hindi niya kayang magawa. Kung ganoon, mas mabuti pang lumayo bago maging huli ang lahat, upang ang pagkastigo sa iyo sa hinaharap ay hindi na mas lumala pa, at upang ang iyong malupit na kalikasan ay hindi na sumabog pa at maging mahirap pigilin, hanggang sa ang iyong katawang-laman ay wakasan ng Diyos sa huli. Naniniwala ka sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala, ngunit kung sa huli ay kasawian lamang ang dumating sa iyo, hindi ba ito magiging isang kahihiyan? Hinihimok ko kayo, mas mabuti pang bumuo kayo ng ibang plano. Anumang bagay na inyong magagawa ay magiging mas mabuti kaysa sa inyong pananalig sa Diyos: Tiyak na hindi maaaring ito lamang ang nag-iisang landas. Hindi ba kayo patuloy na mabubuhay kung hindi kayo naghanap ng katotohanan? Bakit kinakailangang sumalungat kayo sa Diyos sa ganitong paraan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 295

Marami na Akong nagawang gawain sa tao, at sa panahong ito nagpahayag din Ako ng maraming salita. Ang lahat ng salitang ito ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao at ipinahayag upang maging kaayon Ko ang tao. Gayunman, iilang tao lamang sa lupa na kaayon Ko ang nakamit Ko na, kaya sinasabi Kong hindi pinahahalagahan ng tao ang Aking mga salita—ito ay sapagkat hindi Ko kaayon ang tao. Sa ganitong pamamaraan, ang gawaing ginagawa Ko ay hindi lamang upang maaari Akong sambahin ng tao; ang mas mahalaga, ito ay upang maging kaayon Ko ang tao. Nagawa nang tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Mayroong mga nagsasabing kaayon Ko sila, ngunit ang ganitong mga tao ay lahat sumasamba sa malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, silang lahat ay laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Bibliya, nililimitahan nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakita, at wala silang kakayahang makita, at inilalabas nila ito upang tingnan kung paano nila gusto. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Banal na Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga salita at mga pagpapahayag, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagiging kaayon ng mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay, walang pagtatanging, hindi Ko gawain. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi masigasig na sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang sa puntong—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at hindi pagiging ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t na hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi binibigyang pansin ang kalooban Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong nanalig sa Bibliya. Sa diwa, mga tagapagbantay sila ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, upang mapanatili ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong sila sa pagpako sa krus sa mahabaging si Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog para sa kasalanan upang hatulan ng kamatayan si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Banal na Kasulatan. Hindi ba’t silang lahat ay mga sunud-sunuran sa bawat salita ng Banal na Kasulatan?

At paano naman ang mga tao ngayon? Pumarito si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makapasok sila sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagparito ng katotohanan upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Bibliya. Paano matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung labis na mapaghangad ng masama ang puso niya at labis na laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag itinatapat Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, lalo pa niyang ikinakaila ang pag-iral Ko. Hinahanap ng tao na maging kaayon ng mga salita at maging kaayon ng Bibliya, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sadyang walang halaga. Yaong mga naghahangad lamang na maging kaayon ng mga salita ng Bibliya at naghahangad lamang na maging kaayon ng isang malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng di-mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na ilalagay ang sarili Niya sa ilalim ng kapangyarihan ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik sa Akin—paano Ko sila magiging kaayon?

Yaong mga laban sa Akin ay yaong mga hindi Ko kaayon. Ganito rin ang kaso ng yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Yaong mga naghihimagsik laban sa Akin ay lalo pang laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Iniaabot Ko sa mga kamay ng masama lahat yaong mga hindi Ko kaayon, at ipinauubaya Ko sila sa katiwalian ng masama, hinahayaan Ko silang ibunyag ang kasamaan nila, at sa huli ay ibinibigay Ko sila sa masama upang lamunin. Hindi Ko iniintindi kung gaano karami ang sumasamba sa Akin, na ang ibig sabihin, hindi Ko iniintindi kung gaano karaming tao ang nananalig sa Akin. Ang iniintindi Ko lamang ay kung gaano karami ang kaayon Ko. Iyon ay dahil ang lahat ng hindi Ko kaayon ay masasama na ipinagkakanulo Ako; mga kaaway Ko sila, at hindi ko “isasadambana” sa tahanan Ko ang mga kaaway Ko. Yaong mga kaayon Ko ay magpakailanmang maglilingkod sa Akin sa tahanan Ko, at yaong mga lumalaban sa Akin ay magpakailanmang magdurusa ng kaparusahan Ko. Yaong mga may pakialam lamang sa mga salita ng Bibliya at walang pakialam sa katotohanan o sa paghahanap sa mga yapak Ko—laban sila sa Akin, dahil nililimitahan nila Ako ayon sa Bibliya, at ikinukulong nila Ako sa loob ng Bibliya, at sukdulang napakalapastangan sa Akin. Paano makapupunta sa harap Ko ang ganitong mga tao? Hindi nila binibigyang pansin ang mga gawa Ko, o ang kalooban Ko, o ang katotohanan, kundi sa halip ay nahuhumaling sila sa mga salita—mga salitang pumapatay. Paano Ko magiging kaayon ang ganitong mga tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 296

Pagkatapos mangyari ang katotohanan na si Jesus ay naging tao, pinaniwalaan ng tao na hindi lamang ang Ama ang nasa langit, kundi pati ang Anak, at maging ang Espiritu. Ito ang karaniwang kuru-kuro ng tao, na may isang Diyos na ganito sa langit: isang tatlong-personang Diyos na Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Ito ang mga kuru-kuro ng buong sangkatauhan: Ang Diyos ay iisang Diyos, ngunit binubuo ng tatlong bahagi, na iniisip ng lahat ng hindi matinag sa karaniwang mga kuru-kuro na ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Ang tatlong bahaging iyon lamang na pinag-isa ang kabuuan ng Diyos. Kung wala ang Banal na Ama, hindi magiging buo ang Diyos. Gayundin, hindi magiging buo ang Diyos kung wala ang Anak o ang Banal na Espiritu. Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala sila na hindi maituturing na Diyos ang Ama lamang ni ang Anak lamang. Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu na magkakasama lamang ang maituturing na Diyos Mismo. Ngayon, lahat ng relihiyosong mananampalataya, at maging ang bawat tagasunod sa inyo, ay ganito ang paniniwala. Subalit, hinggil sa kung tama ang paniniwalang ito, walang sinumang makapagpapaliwanag, sapagkat palagi kayong nalilito tungkol sa mga bagay na patungkol sa Diyos Mismo. Bagama’t ang mga ito ay mga kuru-kuro, hindi ninyo alam kung tama ang mga ito o mali, sapagkat masyado na kayong nahawahan ng mga relihiyosong kuru-kuro. Napakalalim na ng pagtanggap ninyo sa mga karaniwang kuru-kuro na ito ng relihiyon, at nakapasok na nang husto ang lasong ito sa inyong kalooban. Samakatuwid, sa bagay na ito ay bumigay na rin kayo sa mapaminsalang impluwensiyang ito, sapagkat wala naman talagang tatlong-personang Diyos. Ibig sabihin, wala talagang Trinidad na Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Lahat ng ito ay mga karaniwang kuru-kuro ng tao, at mga maling paniniwala ng tao. Sa loob ng maraming siglo, naniwala na ang tao sa Trinidad na ito, bunga ng mga kuru-kuro sa isipan ng tao, na gawa-gawa ng tao, at hindi pa dating nakita ng tao. Sa maraming taong nagdaan, marami nang tagapaglahad ng Bibliya ang nagpaliwanag sa “tunay na kahulugan” ng Trinidad, ngunit ang gayong mga paliwanag tungkol sa tatlong-personang Diyos bilang tatlong magkakaibang persona na may iisang diwa ay malabo at hindi malinaw, at nalilito ang lahat ng tao sa “kabuuan” ng Diyos. Wala pang dakilang tao na nakapagbigay ng isang masusing paliwanag kailanman; karamihan sa mga paliwanag ay pasado sa larangan ng pangangatwiran at sa papel, ngunit wala ni isang tao ang may lubos na malinaw na pagkaunawa sa kahulugan nito. Ito ay dahil wala talaga ang dakilang Trinidad na ito na nasasapuso ng tao. Sapagkat wala pang nakakita sa totoong mukha ng Diyos, ni wala pang naging mapalad na umakyat sa tahanan ng Diyos para bumisita upang suriin kung anong mga bagay ang nasa lugar na kinaroroonan ng Diyos, upang malaman kung ilang libo o milyong henerasyon ang nasa “bahay ng Diyos” o upang siyasatin kung ilang bahagi ang bumubuo sa likas na kabuuan ng Diyos. Ang dapat suriin una sa lahat ay ito: ang edad ng Ama at ng Anak, maging ng Banal na Espiritu; ang kanya-kanyang anyo ng bawat persona; paano talaga nangyari na magkakahiwalay Sila, at paano nangyari na naging isa Sila. Sa kasamaang-palad, sa lahat ng maraming taong ito, wala ni isang taong nakaalam sa katotohanan ng mga bagay na ito. Lahat ng ito ay haka-haka lamang, sapagkat wala pa ni isang taong nakaakyat sa langit para bumisita at bumalik na may dalang “masusing pag-uulat” para sa buong sangkatauhan upang iulat ang katotohanan nito sa lahat ng masigasig at debotong relihiyosong mananampalataya na nag-aalala tungkol sa Trinidad. Siyempre pa, hindi maaaring ibunton ang sisi sa tao sa pagbubuo ng gayong mga kuru-kuro, sapagkat bakit hindi nagpasama ang Amang si Jehova sa Anak na si Jesus nang likhain Niya ang sangkatauhan? Kung nangyari ang lahat, sa simula, sa pangalan ni Jehova, mas maigi sana. Kung kailangan mang manisi, isisi na lamang ito sa panandaliang pagkalimot ng Diyos na si Jehova, na hindi tinawag ang Anak at ang Banal na Espiritu sa Kanyang harapan sa panahon ng paglikha, kundi sa halip ay isinagawang mag-isa ang Kanyang gawain. Kung sabay-sabay Silang lahat na gumawa, hindi ba Sila magiging isa? Kung ang pangalang Jehova lamang ang mayroon, sa simula pa lamang hanggang sa katapusan, at wala ang pangalan ni Jesus mula sa Kapanahunan ng Biyaya, o kung tinawag pa rin Siyang Jehova noon, hindi ba hindi na sana nagdusa ang Diyos sa paghahating ito ng sangkatauhan? Para sigurado, hindi maisisisi kay Jehova ang lahat ng ito; kung kailangan mang manisi, isisi na lamang ito sa Banal na Espiritu, na sa loob ng libu-libong taon ay nagpatuloy sa Kanyang gawain sa pangalan ni Jehova, ni Jesus, at maging ng Banal na Espiritu, na nakagulo at nakalito sa tao kaya hindi malaman ng tao kung sino talaga ang Diyos. Kung ang Banal na Espiritu Mismo ay nakagawa nang walang anyo o larawan, at bukod pa riyan, nang walang pangalan tulad ng Jesus, at hindi Siya mahipo o makita ng tao, kundi naririnig lamang ang mga tunog ng kulog, hindi ba naging mas kapaki-pakinabang sana sa sangkatauhan ang ganitong klaseng gawain? Kaya ano ang magagawa ngayon? Ang mga kuru-kuro ng tao ay natipon nang kasintaas ng bundok at kasinglawak ng dagat, hanggang sa hindi na matiis ng Diyos ng kasalukuyan ang mga iyon at ganap nang naguguluhan. Noong araw na si Jehova, si Jesus, at sa pagitan Nila, ang Banal na Espiritu pa lamang, hindi na alam ng tao kung paano iyon kakayanin, at ngayon ay nadagdag pa ang Makapangyarihan sa lahat, na diumano’y bahagi rin ng Diyos. Sino ang nakakaalam kung sino Siya at sa kaninong persona ng Trinidad Siya nakikihalo o nakatago kung ilan mang taon? Paano ito natitiis ng tao? Ang tatlong-personang Diyos lamang ay sapat na upang habambuhay na ipaliwanag ng tao, ngunit ngayon ay mayroon pang “isang Diyos sa apat na persona.” Paano ito maipapaliwanag? Maipapaliwanag mo ba ito? Mga kapatid! Paano ninyo napaniwalaan ang gayong Diyos hanggang sa araw na ito? Saludo Ako sa inyo. Ang tatlong-personang Diyos ay sapat nang tiisin; paano kayo patuloy na nagkakaroon ng gayong di-natitinag na pananampalataya rito sa iisang Diyos sa apat na persona? Hinimok na kayong lumabas, subalit ayaw ninyo. Hindi kapani-paniwala! Ibang klase talaga kayo! Ang isang tao ay talagang maaaring umabot sa paniniwala sa apat na Diyos at balewalain lamang ito; sa palagay ba ninyo hindi ito isang himala? Kung titingnan kayo, walang makakaalam na kaya ninyong gumawa ng gayon kalaking himala! Sinasabi Ko sa inyo, sa totoo lang, na walang tatlong-personang Diyos saanman sa sansinukob na ito. Ang Diyos ay walang Ama at walang Anak, at lalo nang walang konsepto na parehong kinakasangkapan ng Ama at ng Anak ang Banal na Espiritu. Ang lahat ng ito ang pinakamalaking maling paniniwala sa mundong ito at sadyang hindi umiiral! Subalit kahit ang gayong kamalian ay may pinagmulan at hindi lubos na walang batayan, sapagkat ang inyong isipan ay hindi napakapayak, at ang inyong mga ideya ay hindi walang dahilan. Sa halip, medyo angkop at malikhain ang mga iyon, kaya nga hindi kayang pasukin ang mga iyon kahit ng sinumang Satanas. Ang nakakaawa, ang mga ideyang ito ay pawang mga kamalian at talagang hindi umiiral! Ni hindi pa ninyo nakikita man lamang ang tunay na katotohanan; gumagawa lamang kayo ng mga haka-haka at imahinasyon, pagkatapos ay pinagtatagni-tagni lamang ninyong lahat ito sa isang kuwento upang makuha ang tiwala ng iba at makapangibabaw sa mga pinakahangal sa mga tao na walang talino o katwiran, para maniwala sila sa inyong kahanga-hanga at kilalang “mga turo ng eksperto.” Katotohanan ba iyan? Ito ba ang daan ng buhay na dapat matanggap ng tao? Kalokohang lahat iyan! Wala ni isang salita ang angkop! Sa loob ng maraming taong ito, pinaghati-hati na ninyo ang Diyos sa ganitong paraan, paliit nang paliit ang pagkakahati sa bawat henerasyon, hanggang sa ang iisang Diyos ay hayagang mahati-hati sa tatlong Diyos. At ngayon ay talagang imposibleng pag-isahing muli ng tao ang Diyos, sapagkat hinati-hati na ninyo Siya nang pinung-pino! Kung hindi sa mabilis Kong paggawa bago mahuli ang lahat, mahirap sabihin kung gaano katagal kayo magpapatuloy nang walang pakundangan sa ganitong paraan! Sa patuloy ninyong paghahati-hati sa Diyos sa ganitong paraan, paano Siya magiging Diyos pa rin ninyo? Makikilala pa rin ba ninyo ang Diyos? Mahahanap pa rin ba ninyo ang inyong mga pinagmulan? Kung nahuli pa Ako ng dating, malamang na naipadala na ninyo ang “Ama at Anak,” si Jehova at si Jesus, pabalik sa Israel at sinabi na kayo mismo ay bahagi ng Diyos. Mabuti na lamang, mga huling araw na ngayon. Sa wakas, dumating na rin ang araw na pinakahihintay Ko, at pagkatapos lamang isagawa ng sarili Kong kamay ang yugtong ito ng gawain natigil ang paghahati-hati ninyo sa Diyos Mismo. Kung hindi dahil dito, namayagpag na kayo, ipinapatong pa ninyo ang lahat ng Satanas sa inyo sa inyong hapag para sambahin. Pakana ninyo ito! Ito ang paraan ninyo ng paghahati-hati sa Diyos! Patuloy pa ba ninyong gagawin ito ngayon? Tatanungin Ko kayo: Ilan ba ang Diyos? Aling Diyos ang maghahatid sa inyo ng kaligtasan? Ang unang Diyos ba, ang pangalawa, o ang pangatlo na lagi ninyong dinadasalan? Alin ang palagi ninyong pinaniniwalaan? Ang Ama ba? O ang Anak? O ang Espiritu? Sabihin mo sa Akin kung sino ang pinaniniwalaan mo. Bagama’t sa bawat salitang sinasabi ninyo na naniniwala kayo sa Diyos, ang talagang pinaniniwalaan ninyo ay ang sarili ninyong utak! Wala talaga kayong Diyos sa inyong puso! Magkagayunman, nasa isipan ninyo ang ilang gayong mga Trinidad! Hindi ba kayo sumasang-ayon?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 297

Kung ang tatlong yugto ng gawain ay sinusuri alinsunod sa konseptong ito ng Trinidad, kailangan ay may tatlong Diyos dahil ang gawaing isinasagawa ng bawat isa ay hindi magkakapareho. Kung may sinuman sa inyo na nagsasabi na talagang mayroong Trinidad, ipaliwanag ninyo kung ano talaga itong isang Diyos sa tatlong persona. Ano ang Banal na Ama? Ano ang Anak? Ano ang Banal na Espiritu? Si Jehova ba ang Banal na Ama? Si Jesus ba ang Anak? Ano naman ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Ama ay isang Espiritu? Hindi ba ang diwa ng Anak ay isa ring Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jehova sa panahong iyon ay isinagawa ng isang Espiritu na katulad ng kay Jesus? Ilang Espiritu ba ang maaaring taglayin ng Diyos? Ayon sa iyong paliwanag, ang tatlong persona ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay iisa; kung gayon, mayroon ngang tatlong Espiritu, ngunit ang ibig sabihin ng magkaroon ng tatlong Espiritu ay mayroong tatlong Diyos. Ibig sabihin, walang kaisa-isang tunay na Diyos; paano pa magkakaroon ng likas na diwa ng Diyos ang ganitong uri ng Diyos? Kung tinatanggap mo na iisa lamang ang Diyos, paano Siya magkakaroon ng isang anak at magiging isang ama? Hindi ba mga kuru-kuro mo lamang ang lahat ng ito? Iisa lamang ang Diyos, iisa lamang ang persona sa Diyos na ito, at iisa lamang ang Espiritu ng Diyos, dahil nakasulat sa Bibliya na “Iisa lamang ang Banal na Espiritu at iisa lamang ang Diyos.” Mayroon mang Ama at Anak na binabanggit mo, iisa lamang naman pala ang Diyos, at ang diwa ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu na iyong pinaniniwalaan ay ang diwa ng Banal na Espiritu. Sa madaling salita, ang Diyos ay isang Espiritu, ngunit kaya Niyang maging tao at mamuhay sa piling ng mga tao, at mangibabaw rin sa lahat ng bagay. Ang Kanyang Espiritu ay sakop ang lahat at nasa lahat ng dako. Kaya Niyang sabay na nasa katawang-tao at nasa loob at ibabaw ng sansinukob. Dahil sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos lamang ang nag-iisang tunay na Diyos, iisa ang Diyos, na hindi maaaring paghati-hatiin ninuman kung kailan niya gusto! Ang Diyos ay iisang Espiritu lamang, at iisang persona lamang; at iyon ang Espiritu ng Diyos. Kung tama ang sinasabi mong, ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, hindi ba tatlong Diyos Sila? Ang Banal na Espiritu ay isa, ang Anak ay isa pa, at ang Ama ay isa pa rin. Ang mga persona Nila ay magkakaiba at ang mga diwa Nila ay magkakaiba, kaya paano naging bahagi ng iisang Diyos ang bawat isa sa Kanila? Ang Banal na Espiritu ay isang Espiritu; madali itong maunawaan ng tao. Kung gayon, lalo nang ang Ama ay isang Espiritu. Hindi pa Siya nakababa sa ibabaw ng lupa kailanman at hindi pa naging tao kailanman; Siya ang Diyos na si Jehova sa puso ng tao, at tiyak na Siya ay isa ring Espiritu. Kung gayon ano ang relasyon Niya sa Banal na Espiritu? Iyon ba ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak? O ito ba ang relasyon sa pagitan ng Banal na Espiritu at ng Espiritu ng Ama? Magkapareho ba ang diwa ng bawat Espiritu? O ang Banal na Espiritu ba ay isang kasangkapan ng Ama? Paano ito maipaliliwanag? At ano naman ang relasyon sa pagitan ng Anak at ng Banal na Espiritu? Iyon ba ay relasyon sa pagitan ng dalawang Espiritu o relasyon sa pagitan ng isang tao at ng isang Espiritu? Lahat ng ito ay mga bagay na hindi maaaring ipaliwanag! Kung lahat Sila ay iisang Espiritu, walang magiging usapan tungkol sa tatlong persona, sapagkat nagtataglay Sila ng iisang Espiritu. Kung Sila ay magkakaibang persona, magkakaiba-iba ang lakas ng Kanilang Espiritu, at talagang hindi Sila maaaring maging iisang Espiritu. Ang konseptong ito tungkol sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay lubhang katawa-tawa! Pinaghihiwa-hiwalay nito ang Diyos at pinaghahati-hati Siya sa tatlong persona, bawat isa ay may isang katayuan at Espiritu; kung gayon ay paano Siya magiging isang Espiritu at isang Diyos pa rin? Sabihin ninyo sa Akin, nilikha ba ng Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu ang kalangitan at lupa, at lahat ng bagay? Sabi ng ilan, magkakasama raw Nilang nilikha ito. Kung gayon ay sino ang tumubos sa sangkatauhan? Ang Banal na Espiritu ba, ang Anak, o ang Ama? Sabi ng ilan, ang Anak daw ang tumubos sa sangkatauhan. Kung gayon ay sino talaga ang Anak? Hindi ba Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos? Tinatawag ng pagkakatawang-tao ang Diyos sa langit sa pangalang Ama mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Hindi mo ba alam na si Jesus ay isinilang nang Siya ay ipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Sumasa-Kanya ang Banal na Espiritu; anuman ang iyong sabihin, kaisa pa rin Siya ng Diyos sa langit, sapagkat Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos. Ang ideyang ito tungkol sa Anak ay hindi talaga totoo. Iisang Espiritu ang nagsasagawa ng lahat ng gawain; ang Diyos lamang Mismo, ibig sabihin, isinasagawa ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain. Sino ang Espiritu ng Diyos? Hindi ba ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Banal na Espiritu ang gumagawa kay Jesus? Kung hindi ang Banal na Espiritu ang nagsagawa ng gawain (ibig sabihin, ang Espiritu ng Diyos), maaari bang katawanin ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Nang tawagin ni Jesus ang Diyos sa langit sa pangalang Ama nang Siya ay manalangin, ginawa lamang ito mula sa pananaw ng isang taong nilikha, dahil lamang sa nakadamit ang Espiritu ng Diyos ng isang ordinaryo at normal na katawan at may panlabas na panakip ng isang nilalang. Kahit nasa loob Niya ang Espiritu ng Diyos, ang Kanyang panlabas na anyo ay sa isang normal na tao pa rin; sa madaling salita, Siya ay naging “Anak ng tao” na binanggit ng lahat ng tao, maging ni Jesus Mismo. Dahil Siya ay tinawag na Anak ng tao, Siya ay isang tao (lalaki man o babae, ano’t anuman ay isang may panlabas na balat ng isang tao) na isinilang sa isang normal na pamilya ng mga ordinaryong tao. Samakatuwid, ang pagtawag ni Jesus sa Diyos sa langit sa pangalang Ama ay katulad ng pagtawag ninyong Ama sa Kanya noong una; ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Naaalala pa ba ninyo ang Panalangin ng Panginoon na itinuro ni Jesus na isaulo ninyo? “Ama namin na nasa langit….” Hiniling Niya sa lahat ng tao na tawagin ang Diyos sa langit sa pangalang Ama. At yamang tinawag Niya rin Siyang Ama, ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang nasa isang katayuang kapantay ninyong lahat. Yamang tinawag ninyo ang Diyos sa langit sa pangalang Ama, nakita ni Jesus ang Kanyang Sarili na kapantay ninyo, at bilang isang tao sa lupa na hinirang ng Diyos (ibig sabihin, ang Anak ng Diyos). Kung tinatawag ninyong “Ama” ang Diyos, hindi ba dahil kayo ay isang nilalang? Gaano man kadakila ang awtoridad ni Jesus sa lupa, bago Siya ipinako sa krus, isa lamang Siyang Anak ng tao, na pinamamahalaan ng Banal na Espiritu (ibig sabihin, ng Diyos), at isa sa mga nilalang sa lupa, sapagkat hindi pa Niya natatapos ang Kanyang gawain. Samakatuwid, ang pagtawag Niya sa Diyos sa langit na Ama ay dahil lamang sa Kanyang pagpapakumbaba at pagsunod. Gayunman, ang Kanyang pagtawag sa Diyos (ibig sabihin, ang Espiritu sa langit) sa gayong paraan ay hindi nagpapatunay na Siya ang Anak ng Espiritu ng Diyos sa langit. Sa halip, iba lamang talaga ang Kanyang pananaw, hindi dahil iba Siyang persona. Ang pag-iral ng magkakaibang mga persona ay isang kamalian! Bago Siya ipinako sa krus, si Jesus ay isang Anak ng tao na nakatali sa mga limitasyon ng katawang-tao, at hindi Niya lubos na taglay ang awtoridad ng Espiritu. Kaya nga maaari lamang Niyang hangarin ang kalooban ng Diyos Ama mula sa pananaw ng isang nilalang. Katulad iyon ng tatlong beses Niyang ipinanalangin sa Getsemani: “Huwag ang ayon sa ibig Ko, kundi ang ayon sa ibig Mo.” Bago Siya inilagay sa krus, isa lamang Siyang Hari ng mga Hudyo; Siya si Cristo, ang Anak ng tao, at hindi isang niluwalhating katawan. Kaya nga, mula sa pananaw ng isang nilalang, tinawag Niyang Ama ang Diyos. Ngayon, hindi mo masasabi na lahat ng tumatawag sa Diyos na Ama ay ang Anak. Kung nagkagayon, hindi ba lahat kayo ay magiging ang Anak nang ituro sa inyo ni Jesus ang Panalangin ng Panginoon? Kung hindi pa rin kayo kumbinsido, sabihin ninyo sa Akin, sino ang tinatawag ninyong Ama? Kung ang tinutukoy ninyo ay si Jesus, sino naman ang Ama ni Jesus para sa inyo? Nang lumisan si Jesus, ang ideyang ito ng Ama at ng Anak ay nawala na. Ang ideyang ito ay angkop lamang sa mga taon nang si Jesus ay naging tao; sa ilalim ng lahat ng iba pang sitwasyon, ang relasyon ay sa pagitan ng Panginoon ng paglikha at ng isang nilalang kapag tinawag ninyong Ama ang Diyos. Walang pagkakataon na makakapanindigan ang ideyang ito tungkol sa Trinidad ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu; ito ay isang kamalian na bihirang makita sa paglipas ng mga kapanahunan at hindi umiiral!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 298

Maaaring ipaalala nito sa halos lahat ng tao ang mga salita ng Diyos mula sa Genesis: “Lalangin Natin ang tao sa Ating larawan, ayon sa Ating wangis” (Genesis 1:26). Dahil sinabi ng Diyos na “lalangin Natin ang tao sa Ating larawan,” ang “Natin” ay nagpapahiwatig ng dalawa o mahigit pa; dahil sinabi Niyang “Natin,” hindi lamang pala iisa ang Diyos. Sa ganitong paraan, nagsimulang mag-isip ang tao sa mahirap unawaing magkakaibang persona, at mula sa mga salitang ito ay lumitaw ang ideya tungkol sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Ano kung gayon ang hitsura ng Ama? Ano ang hitsura ng Anak? At ano ang hitsura ng Banal na Espiritu? Posible kaya na ang sangkatauhan ng ngayon ay ginawa sa larawan ng isa na pinagsama-sama mula sa tatlo? Kung gayon ang larawan ba ng tao ay kagaya ng Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu? Alin sa mga persona ng Diyos ang kamukha ng tao? Mali talaga at walang katuturan ang ideyang ito ng tao! Mahahati lamang nito ang iisang Diyos sa maraming Diyos. Nang isulat ni Moises ang Genesis, iyon ay matapos likhain ang sangkatauhan kasunod ng paglikha sa mundo. Sa pinakasimula, nang magsimula ang mundo, wala pa si Moises. At napakatagal pa bago isinulat ni Moises ang Bibliya, kaya paano niya posibleng nalaman kung ano ang sinabi ng Diyos sa langit? Wala siyang ideya kung paano nilikha ng Diyos ang mundo. Sa Lumang Tipan ng Bibliya, hindi binanggit ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu, kundi kaisa-isang tunay na Diyos lamang, si Jehova, na nagsasagawa ng Kanyang gawain sa Israel. Siya ay tinatawag sa iba’t ibang pangalan kapag nagbabago ang mga kapanahunan, ngunit hindi nito mapapatunayan na bawat pangalan ay tumutukoy sa ibang persona. Kung gayon, hindi ba magkakaroon ng napakaraming persona ng Diyos? Ang nakasulat sa Lumang Tipan ay ang gawain ni Jehova, isang yugto ng gawain ng Diyos Mismo para sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang gawain ng Diyos, kung saan ayon sa Kanyang sinabi, iyon ang nangyari, at ayon sa Kanyang iniutos, iyon ang nasunod. Hindi sinabi ni Jehova kailanman na Siya ang Ama na pumaparito upang isagawa ang gawain, ni hindi Niya ipinropesiya kailanman ang pagparito ng Anak upang tubusin ang sangkatauhan. Pagsapit ng panahon ni Jesus, sinabi lamang na ang Diyos ay naging tao upang tubusin ang buong sangkatauhan, hindi sinabi na ang Anak ang naparito. Dahil hindi magkakatulad ang mga kapanahunan at iba-iba rin ang gawain ng Diyos Mismo, kailangan Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa loob ng iba’t ibang dako. Sa ganitong paraan, iba rin ang identidad na Kanyang kinakatawan. Naniniwala ang tao na si Jehova ang Ama ni Jesus, ngunit hindi ito talaga kinilala ni Jesus, na nagsabing: “Hindi kami kailanman kinilala bilang Ama at Anak; Ako at ang Ama sa langit ay iisa. Ang Ama ay nasa Akin at Ako ay nasa Ama; kapag nakikita ng tao ang Anak, nakikita nila ang Ama sa langit.” Kapag nasabi na ang lahat, ang Ama man o ang Anak, Sila ay iisang Espiritu, hindi nahahati sa magkahiwalay na mga persona. Kapag nagtatangkang magpaliwanag ang tao, nagiging kumplikado ang mga bagay-bagay sa ideya ng magkakaibang mga persona, gayundin ang relasyon sa pagitan ng Ama, Anak, at Espiritu. Kapag binabanggit ng tao ang magkakahiwalay na mga persona, hindi ba nito ginagawang totoo ang Diyos? Binibigyan pa ng ranggo ng tao ang mga persona bilang una, pangalawa, at pangatlo; lahat ng ito ay mga imahinasyon lamang ng tao, hindi karapat-dapat na sanggunian, at lubos na hindi makatotohanan! Kung tatanungin mo siya: “Ilan ba ang Diyos?” sasabihin niya na ang Diyos ay ang Trinidad ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu: ang iisang tunay na Diyos. Kung itatanong mo pa: “Sino ang Ama?” sasabihin niya: “Ang Ama ang Espiritu ng Diyos sa langit; Siya ang namamahala sa lahat, at Siya ang Panginoon ng langit.” “Kung gayon, Espiritu ba si Jehova?” Sasabihin niya: “Oo!” Kung tinanong mo pa siya pagkatapos, “Sino ang Anak?” sasabihin niyang si Jesus ang Anak, siyempre pa. “Kung gayon ano ang kuwento tungkol kay Jesus? Saan Siya nanggaling?” Sasabihin niya: “Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at isinilang kay Maria.” Kung gayon ang diwa ba Niya ay Espiritu rin? Hindi ba ang Kanyang gawain ay kumakatawan din sa Banal na Espiritu? Si Jehova ang Espiritu, at gayundin ang diwa ni Jesus. Ngayon sa mga huling araw, nabawasan na ang pangangailangang sabihin na ito pa rin ang Espiritu; paano Sila magiging magkaibang persona? Hindi ba Espiritu lamang ng Diyos ito na nagsasagawa ng gawain ng Espiritu mula sa magkakaibang pananaw? Sa gayon, walang pagkakaiba sa pagitan ng mga persona. Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at walang alinlangan, ang Kanyang gawain ay yaon mismong sa Banal na Espiritu. Sa unang yugto ng gawaing isinagawa ni Jehova, hindi Siya naging tao ni nagpakita sa tao. Kaya hindi kailanman nakita ng tao ang Kanyang anyo. Gaano man Siya kadakila at katangkad, Siya pa rin ang Espiritu, ang Diyos Mismo na lumikha sa tao noong simula. Ibig sabihin, Siya ang Espiritu ng Diyos. Nangusap Siya sa tao mula sa mga ulap, isa lamang Espiritu, at walang sinumang nakasaksi sa Kanyang anyo. Sa Kapanahunan ng Biyaya lamang nang pumasok sa katawang-tao ang Espiritu ng Diyos at nagkatawang-tao sa Judea saka nakita ng tao sa unang pagkakataon ang larawan ng pagkakatawang-tao bilang isang Hudyo. Walang anuman kay Jehova ang nasa Kanya. Gayunman, Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ibig sabihin, ipinaglihi sa pamamagitan ng Espiritu ni Jehova Mismo, at si Jesus ay isinilang pa rin bilang katawan ng Espiritu ng Diyos. Ang unang nakita ng tao ay ang Banal na Espiritu na bumababang parang isang kalapati kay Jesus; hindi ito ang Espiritung tanging para kay Jesus, kundi sa halip ay ang Banal na Espiritu. Kung gayon maihihiwalay ba ang Espiritu ni Jesus mula sa Banal na Espiritu? Kung si Jesus ay si Jesus, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay ang Banal na Espiritu, paano Sila maaaring maging isa? Ang gawain ay hindi maisasagawa kung gayon. Ang Espiritu sa loob ni Jesus, ang Espiritu sa langit, at ang Espiritu ni Jehova ay iisa lahat. Tinatawag itong Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritung pinatindi nang makapitong beses, at ang Espiritung sumasalahat. Maisasagawa ng Espiritu ng Diyos ang maraming gawain. Nagagawa Niyang likhain ang mundo at wasakin ito sa pagpapabaha sa lupa; kaya Niyang tubusin ang buong sangkatauhan, at bukod pa riyan, kaya Niyang lupigin at lipulin ang buong sangkatauhan. Ang gawaing ito ay isinasagawang lahat ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng alinman sa mga persona ng Diyos para sa Kanya. Ang Kanyang Espiritu ay maaaring tawagin sa pangalang Jehova at Jesus, at maaari ring tawaging Makapangyarihan sa lahat. Siya ang Panginoon, at Cristo. Maaari rin Siyang maging Anak ng tao. Siya ay nasa kalangitan at nasa lupa rin; Siya ay nasa kaitaasan sa ibabaw ng mga sansinukob at nasa piling ng maraming tao. Siya ang tanging Panginoon ng kalangitan at ng lupa! Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, ang gawaing ito ay naisagawa na ng Espiritu ng Diyos Mismo. Gawain man ito sa kalangitan o sa katawang-tao, lahat ay isinasagawa ng Kanyang sariling Espiritu. Lahat ng nilalang, sa langit man o sa lupa, ay nasa palad ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay ang gawain ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng sinuman para sa Kanya. Sa kalangitan, Siya ang Espiritu ngunit ang Diyos din Mismo; sa piling ng mga tao, Siya ay katawang-tao ngunit nananatiling Diyos Mismo. Bagama’t maaari Siyang tawagin sa libu-libong pangalan, Siya pa rin iyon Mismo, ang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus ay tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at gayundin ang pagpapahayag sa lahat ng bansa at lahat ng lupain sa mga huling araw. Sa lahat ng oras, matatawag lamang ang Diyos na ang makapangyarihan sa lahat at nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos Mismo na sumasalahat. Walang magkakaibang persona, lalo nang wala itong ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Iisa lamang ang Diyos sa langit at sa lupa!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 299

Ang plano ng pamamahala ng Diyos ay sumasaklaw sa anim na libong taon at nahahati sa tatlong kapanahunan batay sa mga pagkakaiba sa Kanyang gawain: Ang unang kapanahunan ay ang Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan; ang ikalawa ay ang Kapanahunan ng Biyaya; at ang ikatlo ay yaong sa mga huling araw—ang Kapanahunan ng Kaharian. Bawat kapanahunan ay kumakatawan sa naiibang identidad. Ito ay dahil lamang sa pagkakaiba sa gawain, ibig sabihin, sa mga kinakailangan ng gawain. Ang unang yugto ng gawain noong Kapanahunan ng Kautusan ay isinagawa sa Israel, at ang ikalawang yugto ng pagtatapos ng gawain ng pagtubos ay isinagawa sa Judea. Para sa gawain ng pagtubos, ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at isinilang bilang bugtong na Anak. Lahat ng ito ay dahil sa mga kinakailangan ng gawain. Sa mga huling araw, nais ng Diyos na palawakin ang Kanyang gawain tungo sa mga bansang Hentil at lupigin ang mga tao roon, upang maging dakila ang Kanyang pangalan sa kanila. Nais Niyang gabayan ang tao sa pag-unawa at pagpasok sa lahat ng katotohanan. Lahat ng gawaing ito ay isinasagawa ng iisang Espiritu. Bagama’t maaari Niyang gawin iyon mula sa magkakaibang pananaw, ang likas na katangian at mga prinsipyo ng gawain ay nananatiling pareho. Kapag naobserbahan mo ang mga prinsipyo at likas na katangian ng gawaing Kanilang naisagawa, malalaman mo na lahat ay ginawa ng iisang Espiritu. Maaari pa ring sabihin ng ilan: “Ang Ama ang Ama; ang Anak ang Anak; ang Banal na Espiritu ang Banal na Espiritu, at sa huli, pag-iisahin Sila.” Kung gayon paano mo Sila dapat pag-isahin? Paano mapag-iisa ang Ama at ang Banal na Espiritu? Kung Sila ay likas nang dalawa, paano man Sila pagsamahin, hindi ba Sila mananatiling dalawang bahagi? Kapag tinatalakay mo ang pag-iisa sa Kanila, hindi ba pagsasama lamang iyan ng dalawang magkahiwalay na bahagi para makabuo ng isa? Ngunit hindi ba dalawang bahagi Sila dati na ginagawang buo? Bawat espiritu ay may naiibang diwa, at ang dalawang espiritu ay hindi magagawang iisa. Ang isang espiritu ay hindi isang materyal na bagay at hindi katulad ng anupamang iba sa materyal na mundo. Sa paningin ng tao, ang Ama ay isang Espiritu, ang Anak ay isa pa, at ang Banal na Espiritu ay isa pa rin, kung gayon ay naghahalo ang tatlong Espiritu na parang tatlong baso ng tubig sa isang buo. Hindi ba iyan ang tatlo na pinag-isa? Ganap na mali at katawa-tawa ang paliwanag na iyan! Hindi ba nito pinaghahati-hati ang Diyos? Paano mapag-iisang lahat ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu? Hindi ba sila tatlong bahagi na bawat isa ay magkakaiba ang likas na katangian? May mga iba na nagsasabi na, “Hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak?” Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na lubos Niyang kinalulugdan—tiyak na sinambit ito ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili, ngunit mula lamang sa ibang pananaw, yaong sa Espiritu sa langit na nagpapatotoo sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao. Si Jesus ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Nauunawaan mo ba? Hindi ba ang mga salita ni Jesus na, “Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin,” ay nagpapahiwatig na Sila ay iisang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao kaya Sila nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Ang totoo, Sila ay iisa pa rin; kahit ano pa, ito ay ang Diyos lamang na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili. Dahil sa pagbabago sa mga kapanahunan, sa mga kinakailangan ng gawain, at sa magkakaibang yugto ng Kanyang plano ng pamamahala, ang pangalang itinatawag sa Kanya ng tao ay nag-iiba rin. Nang Siya ay pumarito upang isagawa ang unang yugto ng gawain, maaari lamang Siyang tawaging Jehova, na Siyang pastol ng mga Israelita. Sa ikalawang yugto, ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaari lamang tawaging Panginoon, at Cristo. Ngunit noon, sinabi lamang ng Espiritu sa langit na Siya ang sinisintang Anak ng Diyos at hindi binanggit ang Kanyang pagiging bugtong na Anak ng Diyos. Hindi ito talaga nangyari. Paano magkakaroon ng kaisa-isang anak ang Diyos? Kung gayon ay hindi ba naging tao ang Diyos? Dahil Siya ang pagkakatawang-tao, tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, at, dito nagmula ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak. Dahil lamang iyon sa pagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa. Nanalangin si Jesus mula sa pananaw ng katawang-tao. Yamang nakabihis Siya ng isang katawang-tao ng gayong normal na pagkatao, sinabi Niya mula sa pananaw ng katawang-tao: “Ang Aking balat ay yaong sa isang nilalang. Yamang nakabihis Ako ng katawang-tao upang makaparito sa lupa, napakalayo Ko ngayon mula sa langit.” Dahil dito, maaari lamang Siyang manalangin sa Diyos Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ang Kanyang tungkulin, at ito yaong dapat ipagkaloob sa Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi masasabi na hindi Siya Diyos dahil lamang sa nanalangin Siya sa Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Bagama’t tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, Diyos pa rin Siya Mismo, sapagkat Siya ay pagkakatawang-tao lamang ng Espiritu, at ang Kanyang diwa ay Espiritu pa rin. Nagtataka ang mga tao kung bakit Siya nanalangin kung Siya ang Diyos Mismo. Ito ay dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, Diyos na nabubuhay sa loob ng katawang-tao, at hindi ang Espiritu sa langit. Sa paningin ng tao, ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay Diyos lahat. Ang tatlo lamang na pinag-isang lahat ang maaaring ituring na kaisa-isang tunay na Diyos, at, sa ganitong paraan, ang Kanyang kapangyarihan ay napakadakila. May mga nagsasabi na sa ganitong paraan lamang Siya naging Espiritu na pinatindi nang makapitong beses. Nang manalangin ang Anak matapos Siyang pumarito, sa Espiritung iyon Siya nanalangin. Ang totoo, nanalangin Siya noon mula sa pananaw ng isang nilalang. Sapagkat ang katawang-tao ay hindi buo, hindi Siya buo at marami Siyang kahinaan nang pumasok Siya sa katawang-tao, at naligalig Siyang masyado nang isagawa Niya ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Kaya nga tatlong beses Siya nanalangin sa Diyos Ama bago Siya ipinako sa krus, at maraming beses din bago pa nangyari iyon. Nanalangin Siya na kasama ng Kanyang mga disipulo; nanalangin Siyang mag-isa sa ibabaw ng bundok; nanalangin Siya sakay ng bangkang-pangisda; nanalangin Siya na kasama ang napakaraming tao; nanalangin Siya kapag nagpuputul-putol ng tinapay; at nanalangin Siya habang binabasbasan ang iba. Bakit Niya ginawa iyon? Sa Espiritu Siya nanalangin; nanalangin Siya sa Espiritu, sa Diyos sa langit, mula sa pananaw ng katawang-tao. Samakatuwid, mula sa pananaw ng tao, si Jesus ay naging Anak sa yugtong iyon ng gawain. Sa yugtong ito, gayunman, hindi Siya nananalangin. Bakit ganito? Dahil ang pinasisimulan Niya ay ang gawain ng salita, at ang paghatol at pagkastigo ng salita. Hindi Niya kailangan ang mga panalangin at ang Kanyang ministeryo ay ang magsalita. Hindi Siya ipinako sa krus, at hindi Siya ipinasa ng tao sa mga may kapangyarihan. Isinasagawa lamang Niya ang Kanyang gawain. Sa panahong iyon nang manalangin si Jesus, nanalangin Siya sa Diyos Ama para sa pagbaba ng kaharian ng langit, para mangyari ang kalooban ng Ama, at para magsimula na ang gawain. Sa yugtong ito, nakababa na ang kaharian ng langit, kaya kailangan pa rin ba Siyang manalangin? Ang Kanyang gawain ay wakasan ang kapanahunan, at wala nang mga bagong kapanahunan, kaya kailangan pa bang manalangin para sa susunod na yugto? Sa tingin Ko ay hindi na!

Maraming magkakasalungat sa mga paliwanag ng tao. Tunay nga, lahat ng ito ay mga kuru-kuro ng tao; walang masusing pagsisiyasat, maniniwala kayong lahat na tama ang mga iyon. Hindi ba ninyo alam na ang mga ideya gaya ng tatlo-sa-isang Diyos ay mga kuru-kuro lamang ng tao? Walang kaalaman ang tao na lubos at masusi. Palaging may mga karumihan, at napakaraming ideya ng tao; ipinamamalas nito na hindi talaga maipaliwanag ng isang nilalang ang gawain ng Diyos. Napakaraming iniisip ng tao, lahat ay nagmumula sa lohika at pag-iisip, na salungat sa katotohanan. Lubos bang masusuri ng iyong lohika ang gawain ng Diyos? Makakatamo ka ba ng kabatiran sa lahat ng gawain ni Jehova? Ikaw ba bilang tao ang nakakakita sa lahat ng ito, o ang Diyos Mismo ang nakakakita mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan? Ikaw ba ang nakakakita mula sa kawalang-hanggan noong araw hanggang sa kawalang-hanggang darating, o ang Diyos lamang ang makakagawa nito? Ano ang masasabi mo? Gaano ka kamarapat upang ipaliwanag ang Diyos? Ano ang batayan ng iyong paliwanag? Diyos ka ba? Ang kalangitan at lupa, at lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos Mismo. Hindi ikaw ang gumawa nito, kaya bakit ka nagbibigay ng mga maling paliwanag? Ngayon, patuloy ka bang maniniwala sa tatlong-personang Diyos? Hindi mo ba naiisip na napakabigat nito sa ganitong paraan? Higit na makabubuting maniwala ka sa iisang Diyos, hindi sa tatlo. Higit na makabubuti ang maging magaan, sapagkat ang pasanin ng Panginoon ay magaan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?

Sinundan: Mga Hiwaga Tungkol sa Biblia

Sumunod: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito