Mga Hiwaga Tungkol sa Biblia

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 265

Sa loob ng maraming taon, ang kinaugaliang paraan para maniwala ang mga tao (sa Kristiyanismo, isa sa tatlong pangunahing relihiyon sa mundo) ay ang basahin ang Bibliya. Ang paglihis mula sa Bibliya ay hindi paniniwala sa Panginoon, ang paglihis mula sa Bibliya ay paglihis sa mga panuntunan sa pananampalataya, at maling paniniwala, at kahit na magbasa pa ang mga tao ng ibang mga libro, ang paliwanag sa Bibliya ang dapat na pundasyon ng mga librong ito. Ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Panginoon, dapat mong basahin ang Bibliya, at maliban sa Bibliya, hindi ka dapat sumamba sa anumang aklat na walang kinalaman sa Bibliya. Kung ginagawa mo iyon, pinagtataksilan mo ang Diyos. Mula sa panahon ng pagkakaroon ng Bibliya, ang pananalig ng mga tao sa Panginoon ay ang pananalig sa Bibliya. Sa halip na sabihing ang mga tao ay naniniwala sa Panginoon, mas mabuting sabihin na naniniwala sila sa Bibliya; sa halip na sabihing nagsimula na silang magbasa ng Bibliya, mas mabuting sabihing nagsimula na silang maniwala sa Bibliya; at sa halip na sabihing nagbalik na sila sa Panginoon, mas mabuti pang sabihing nagbalik na sila sa Bibliya. Sa ganitong paraan, sinasamba ng mga tao ang Bibliya na para bang ito ang Diyos, na para bang ito ang dugong bumubuhay sa kanila, at ang mawalan nito ay kapareho ng mawalan ng kanilang buhay. Itinuturing ng mga tao ang Bibliya na kasintaas ng Diyos, at mayroon pang ang turing dito ay mas mataas kaysa sa Diyos. Kung wala sa mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi nila nadarama ang Diyos, maaari pa rin silang patuloy na mabuhay—ngunit sa sandaling mawala sa kanila ang Bibliya, o mawala ang mga kilalang kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, parang nawalan na rin sila ng buhay. At dahil dito, sa sandaling maniwala ang mga tao sa Panginoon, inuumpisahan na nilang basahin ang Bibliya, at kabisaduhin ang Bibliya, at habang mas dumarami ang nakakabisa nila mula sa Bibliya, mas napapatunayan nito na mahal nila ang Panginoon at malaki ang kanilang pananampalataya. Ang lahat ng nakapagbasa na ng Bibliya at nakapagbabahagi nito sa iba ay mabubuting mga kapatid. Sa buong panahong ito, ang pananampalataya at katapatan ng mga tao sa Panginoon ay nasusukat ayon sa lawak ng kanilang pagkaunawa sa Bibliya. Hindi lamang talaga nauunawaan ng karamihan ng mga tao kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos, o kaya ay paano maniwala sa Diyos, at wala silang ginagawa kundi pikit-matang maghanap ng mga pahiwatig upang maunawaan ang mga kabanata sa Bibliya. Hindi kailanman hinanap ng mga tao ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu; simula’t sapul, wala silang ginawa kundi desperadong pag-aralan at siyasatin ang Bibliya, at walang sinumang nakahanap ng mas bagong gawain ng Banal na Espiritu na labas sa Bibliya. Walang sinumang lumihis kahit minsan mula sa Bibliya, ni nangahas na gawin ito. Pinag-aralan ng mga tao ang Bibliya sa loob ng napakatagal na panahon, sila ay nakabuo ng napakaraming paliwanag, at nagbuhos ng napakaraming pagsisikap. Marami rin silang pagkakaiba-iba ng opinyon tungkol sa Bibliya, na walang katapusan nilang pinagtatalunan, kaya nga mahigit pa sa dalawang libong magkakaibang denominasyon na ang nabuo ngayon. Silang lahat ay nagnanais makahanap ng ilang natatanging mga paliwanag, o mas malalalim na mga misteryo sa Bibliya, nais nilang galugarin ito, at makita rito ang impormasyon sa likod ng gawain ni Jehova sa Israel, o impormasyon sa likod ng gawain ni Jesus sa Judea, o karagdagang mga misteryo na walang sinumang nakakaalam. Ang pagturing ng mga tao sa Bibliya ay isang pagkahumaling at pananampalataya, at walang sinuman ang nagbibigay ng ganap na kalinawan tungkol sa nakapaloob na kuwento o diwa ng Bibliya. Kaya ngayon ang mga tao ay mayroon pa ring di-mailarawang diwa ng kahiwagaan pagdating sa Bibliya, at mas nahuhumaling pa sila rito, at nagkakaroon pa nga ng higit na pananalig rito. Ngayon, ang lahat ay nagnanais na mahanap ang mga propesiya ng gawain sa mga huling araw sa Bibliya, nais nilang matuklasan kung anong gawain ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw, at kung anong mga tanda ang naroon sa mga huling araw. Sa ganitong paraan, ang kanilang pagsamba sa Bibliya ay nagiging mas taimtim, at habang mas nalalapit ang mga huling araw, higit na bulag na pananalig ang ibinibigay nila sa mga propesiya sa Bibliya, partikular na sa mga tungkol sa mga huling araw. Sa ganito kabulag na paniniwala sa Bibliya, sa ganitong pagtitiwala sa Bibliya, wala na silang hangad na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila na ang Bibliya lamang ang maaaring maghatid ng gawain ng Banal na Espiritu, sa Bibliya lamang nila makikita ang mga yapak ng Diyos, sa Bibliya lamang nakatago ang mga hiwaga ng gawain ng Diyos, ang Bibliya lamang—hindi ang ibang mga aklat o tao—ang makapaglilinaw ng lahat tungkol sa Diyos at sa kabuuan ng Kanyang gawain; ang Bibliya ay maaaring maghatid ng gawain ng langit sa lupa; at ang Bibliya ay maaaring kapwa simulan at tapusin ang mga kapanahunan. Sa mga kuru-kuro na ito, wala nang kagustuhan ang mga tao na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya, gaano man kalaki ang naging tulong ng Bibliya sa mga tao noong araw, ito ay naging isang balakid sa pinakabagong gawain ng Diyos. Kung wala ang Bibliya, maaaring hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa ibang lugar, ngunit ngayon, nakapaloob na ang Kanyang mga yapak sa Bibliya, at naging doble ang hirap ng pagpapalawak ng Kanyang pinakabagong gawain, at tila isa itong paakyat na paglalakbay. Lahat ng ito ay dahil sa kilalang mga kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, at dahil na rin sa iba’t ibang mga propesiya sa Bibliya. Ang Bibliya ay naging diyos-diyosan sa isipan ng mga tao, ito ay naging isang palaisipan sa kanilang mga utak, at sadyang hindi nila kayang paniwalaang makagagawa ang Diyos ng gawaing nasa labas ng Bibliya, hindi nila kayang paniwalaan na matatagpuan ng mga tao ang Diyos nang labas sa Bibliya, at mas lalong hindi nila magawang paniwalaan na maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya sa huling gawain at magsimulang muli. Hindi ito sukat maisip ng mga tao, hindi sila makapaniwala rito, at hindi rin nila ito makita sa kanilang isipan. Ang Bibliya ay naging isa nang malaking balakid sa pagtanggap ng mga tao sa bagong gawain ng Diyos, at pagpapahirap sa pagpapalawak ng Diyos ng bagong gawaing ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 266

Matapos gawin ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, nabuo ang Lumang Tipan, at noon nagsimulang magbasa ng Bibliya ang mga tao. Matapos dumating ni Jesus, ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at isinulat ng Kanyang mga apostol ang Bagong Tipan. Dahil dito ay nabuo ang Luma at Bagong Tipan ng Bibliya, at kahit hanggang ngayon, lahat ng naniniwala sa Diyos ay nagbabasa ng Bibliya. Ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan. Siyempre, ito rin ay naglalaman ng ilan sa mga propesiya ng mga propeta, at siyempre, ang mga ito ay hindi kabilang sa kasaysayan. Ang Bibliya ay kinabibilangan ng ilang bahagi—hindi lamang propesiya, o gawain lamang ni Jehova, o mga sulat lamang ni Pablo. Kailangan mong malaman kung gaano karami ang mga bahaging napapaloob sa Bibliya. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodus…, at mayroon ding mga aklat ng propesiya na isinulat ng mga propeta. Sa huli, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. Itinatala nito ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na pinamunuan ni Jehova. Mula sa Genesis hanggang sa Aklat ni Malakias, ito ay isang komprehensibong tala ng lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Ibig sabihin, ang Lumang Tipan ay tala ng lahat ng karanasan ng tao na ginabayan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ginamit ni Jehova ay nagwika ng mga propesiya para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at ipinropesiya ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang lahat ng mga taong ito na itinaguyod ng Diyos ay binigyan ni Jehova ng Espiritu ng propesiya: Nakita nila ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig nila ang Kanyang tinig, at dahil dito, sila’y nabigyan Niya ng inspirasyon at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay paghahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon ay upang magabayan lamang ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi Siya nagkatawang-tao, at hindi nakita ng mga tao ang Kanyang mukha. Kung kaya’t gumamit Siya ng maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at angkan ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila ay isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang ipakita sa iba. Ginamit ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang ipropesiya ang gawain ng hinaharap o ang gawain na gagawin pa sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagiging kamangha-mangha at ang karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Bibliya. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga binigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkaroon ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga ipinropesiya ng mga propeta na itinaguyod ni Jehova, sa katulad na paraan na ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa isinagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos na makumpleto ang gawain, na siya namang kayang gawin ng mga tao. Ang mga propeta ng panahong iyon ay binigyang-inspirasyon ni Jehova at nagsabi ng ilang propesiya, marami silang binigkas na mga salita, at nagpropesiya sila tungkol sa mga bagay-bagay sa Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin sa pagkawasak ng mundo sa mga huling araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Nakatala sa lahat ng natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. Kaya kapag binabasa mo ang Bibliya, ang binabasa mo higit sa lahat ay kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel; pangunahing nakatala sa Lumang Tipan ng Bibliya ang gawain ni Jehova ng paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis ng mga kadena ng Faraon sa kanila, at nagdala sa kanila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumunod dito ay tungkol sa kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat ng bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito ang gawaing ginawa ni Jehova sa lupain kung saan nilikha Niya sina Adan at Eba. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawain sa labas ng Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa simula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay hindi gumawa sa anupamang lugar. Sa ganitong paraan, ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Bibliya ay gawaing lahat ng Diyos sa Israel noong panahong iyon. Ang mga salitang binigkas ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ang kanilang mga salita ay nagpropesiya ng iba pa Niyang mga gawain sa daigdig, ipinropesiya nila ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, ang lahat ng iba pa ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova noong panahong iyon.

Ang gawain ng paglikha ay nangyari bago nagkaroon ng sangkatauhan, ngunit dumating lamang ang Aklat ng Genesis matapos magkaroon ng sangkatauhan; ito ay isang aklat na isinulat ni Moises noong Kapanahunan ng Kautusan. Ito ay tulad ng mga bagay na nangyayari sa inyo ngayon: Pagkatapos nilang mangyari, isinusulat ninyo ang mga ito upang ipakita sa mga tao sa hinaharap, at para sa mga tao sa hinaharap, ang inyong naitala ay mga bagay na nangyari noong nakalipas na panahon—ito’y wala nang iba kundi kasaysayan lamang. Ang mga bagay na naitala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, at ang nakatala sa Bagong Tipan ay gawain ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya; itinala ng mga ito ang gawain na tinapos ng Diyos sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, at dahil dito, ang Lumang Tipan ay isang aklat ng kasaysayan, habang ang Bagong Tipan ay bunga ng gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Nang magsimula ang bagong gawain, naluma na rin ang Bagong Tipan—at dahil dito, ang Bagong Tipan ay isa ring aklat ng kasaysayan. Siyempre, ang Bagong Tipan ay hindi kasing sistematiko ng Lumang Tipan, at hindi nagtatala ng kasindaming mga bagay. Ang lahat ng mga salitang binigkas ni Jehova ay nakatala sa Lumang Tipan ng Bibliya, samantalang ilan lamang sa mga salita ni Jesus ang nakatala sa Apat na Ebanghelyo. Tunay ngang marami ring ginawa si Jesus, ngunit hindi ito naitala nang detalyado. Mas kaunti ang naitala sa Bagong Tipan dahil sa kung gaano karami ang nagawa ni Jesus; ang dami ng Kanyang gawain sa loob ng tatlo at kalahating taon sa daigdig at ang gawain ng mga apostol ay higit na kakaunti kaysa sa gawain ni Jehova. Dahil dito ay mas kaunti ang mga aklat sa Bagong Tipan kaysa sa Lumang Tipan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 267

Anong uri ng libro ang Bibliya? Ang Lumang Tipan ay ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Lumang Tipan ng Bibliya ay nagtatala ng lahat ng gawain ni Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan at ng Kanyang gawain ng paglikha. Ang lahat ng ito ay nagtatala ng gawain na tinapos ni Jehova, at sa huli ay nagtatapos sa mga salaysay ng gawain ni Jehova sa Aklat ni Malakias. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng dalawang bahagi ng gawain na tinapos ng Diyos: Ang isa ay ang gawain ng paglikha, at ang isa ay pag-aatas ng mga kautusan. Ito ay parehong gawain na ginawa ni Jehova. Ang Kapanahunan ng Kautusan ay kumakatawan sa gawain sa ilalim ng pangalan ng Diyos na si Jehova; ito ay kabuuan ng gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jehova. Dahil dito, ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jehova, at ang Bagong Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jesus, gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jesus. Ang kahalagahan ng pangalan ni Jesus at ang karamihan sa gawain na Kanyang ginawa ay nakatala sa Bagong Tipan. Sa panahon ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan, nagtayo si Jehova ng templo at altar sa Israel, ginabayan Niya ang buhay ng mga Israelita sa daigdig, na nagpapatunay na sila ang Kanyang hinirang na mga tao, ang unang grupo ng mga tao na Kanyang pinili sa daigdig at naghahangad sa Kanyang puso, ang unang grupo na personal Niyang pinamunuan. Ang labindalawang lipi ng Israel ay ang unang hinirang na mga tao ni Jehova, at dahil dito, Siya ay palagiang kumilos sa kanila, hanggang sa katapusan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang ikalawang yugto ng gawain ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ng Bagong Tipan, at ito ay isinagawa sa mga Hudyo, sa isa sa labindalawang tribo ng Israel. Ang saklaw ng gawaing ito ay mas maliit dahil si Jesus ay Diyos na naging tao. Si Jesus ay gumawa lamang sa buong lupain ng Judea, at gumawa lamang ng tatlo at kalahating taong gawain; kaya, malayong mahigitan ng mga nakatala sa Bagong Tipan ang dami ng gawain na nakatala sa Lumang Tipan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 268

Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sinundan ng mga Israelita ang landas ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ng kasalukuyan, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Bibliya. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang hinirang na mga tao sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, at nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit at mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi makikita o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Bibliya ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon bago ito maganap, nang walang makakaligtaan? Sino ang maaaring makapagtala nitong mas makapangyarihan at mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro na iyon? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Bibliya, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Bibliya. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain. Dapat mong maunawaan kung bakit hinihiling ngayon na huwag mong basahin ang Bibliya, kung bakit mayroong ibang gawain na hiwalay sa Bibliya, kung bakit ang Diyos ay hindi na naghahanap ng mas bago at mas detalyadong pagsasagawa sa Bibliya, at kung bakit sa halip ay mayroong mas makapangyarihang gawain sa labas ng Bibliya. Ito ang lahat ng dapat ninyong maunawaan. Kailangan mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong gawain, at kahit na hindi mo binabasa ang Bibliya, dapat ay kaya mo itong suriin; kung hindi, sasambahin mo pa rin ang Bibliya, at magiging mahirap para sa iyo na makapasok sa bagong gawain at sumailalim sa mga bagong pagbabago. Yamang mayroong mas mataas na daan, bakit pag-aaralan ang mas mababa at makalumang daan? Yamang may bagong mga pagbigkas, at mas bagong gawain, bakit ka mamumuhay batay sa lumang mga talaan ng kasaysayan? Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapagtustos sa inyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi ka mabibigyang-kasiyahan, o hindi makatutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan na ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito ay kasaysayan lamang na ginugunita ng mga tao, at kahit ano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito ay lumang daan pa rin. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na walang nakatala tungkol dito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay para sa naririto at sa ngayon. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 269

Ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan, at kung nakain at nainom mo na ang Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya—kung naisagawa mo na kung ano ang kinailangan sa panahon ng Lumang Tipan noong Kapanahunan ng Biyaya—maaaring ikaw ay tatanggihan at kokondenahin ni Jesus; kung ginamit mo ang Lumang Tipan sa gawain ni Jesus, maaring ikaw ay naging isang Pariseo. Kung ngayon ay pinag-isa mo ang Luma at Bagong Tipan sa iyong pagkain at pag-inom, at pagsasagawa, kokondenahin ka ng Diyos ng ngayon; ikaw ay mapag-iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan! Kung kumakain at umiinom ka ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan, ikaw ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu! Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Hudyo at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Bibliya bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Bibliya, o kaya ay naghanap sa Bibliya ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula noong nagsimula Siyang gumawa, ipinalaganap Niya ang daan ng pagsisisi—ni isang salita tungkol dito ay hinding-hindi nabanggit sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Bibliya, kundi Siya ay namuno rin sa isang bagong daan, at gumawa ng bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Bibliya kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Gayundin, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Basta lamang ginawa ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Bibliya—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang turo, at sa Kanyang kakayahan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang umakay sa bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Bibliya, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Pumarito lamang upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong, dahil hindi isinaalang-alang ng Kanyang gawain kung pagbabatayan ba nito ang Bibliya; si Jesus ay pumarito lamang upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin. Kaya hindi Siya nagpaliwanag ng mga propesiya ng Lumang Tipan, ni hindi Siya gumawa nang ayon sa mga salita ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan. Hindi Niya pinansin ang sinabi ng Lumang Tipan, hindi mahalaga sa Kanya kung ang Kanyang gawain ay umaayon dito o hindi, at hindi mahalaga kung ano ang alam ng iba sa Kanyang gawain, o kung paano nila kinondena ito. Ipinagpatuloy lamang Niya ang gawain na dapat Niyang gawin, kahit na maraming tao ang gumamit ng mga propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan upang kondenahin Siya. Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba ito kamalian ng tao? Ang doktrina ba ay kailangang iangkop sa gawain ng Diyos? At ang Diyos ba ay dapat na gumawa ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Bibliya? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Bibliya? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Bibliya? Hindi ba maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya nang isinasaalang-alang ang araw ng Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya hindi isinagawa ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Bibliya! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Bibliya?

Ang gawain na ginawa ni Jesus sa panahon ng Bagong Tipan ay nagpasimula ng bagong gawain: Hindi Siya gumawa ayon sa gawain ng Lumang Tipan, at hindi rin Niya ginamit ang mga salita na sinabi ni Jehova ng Lumang Tipan. Ginawa Niya ang Kanyang sariling gawain, at gumawa Siya ng mas bagong gawain, at gawain na mas mataas kaysa sa kautusan. Kaya, sinabi Niya: “Huwag ninyong isiping Ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: Ako’y naparito hindi upang sirain ito, kundi upang tuparin ang mga ito.” Kaya alinsunod sa kung ano ang naisakatuparan Niya, maraming mga doktrina ang nasira. Sa araw ng Sabbath, nang dinala Niya ang mga alagad sa mga palayan, sila ay kumuha at kumain ng mga ulo ng butil; hindi Niya sinunod ang Sabbath, at sinabing “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath.” Noong panahong iyon, ayon sa mga tuntunin ng mga Israelita, kung sinuman ang hindi mangilin sa Sabbath ay babatuhin hanggang sa kamatayan. Si Jesus, gayunman, ay hindi pumasok sa templo ni nangilin sa Sabbath, at ang Kanyang gawain ay hindi ginawa ni Jehova sa panahon ng Lumang Tipan. Sa ganitong paraan ay nahigitan ng gawain na ginawa ni Jesus ang kautusan ng Lumang Tipan, ito ay mas mataas kaysa rito, at ito ay hindi naaayon dito. Noong Kapanahunan ng Biyaya, hindi gumawa si Jesus ayon sa kautusan ng Lumang Tipan, at humiwalay na sa mga doktrinang iyon. Ngunit mahigpit na kumapit ang mga Israelita sa Bibliya at tinuligsa si Jesus—hindi ba ito pagtanggi sa gawain ni Jesus? Ngayon, mahigpit ding kumakapit ang relihiyosong mundo sa Bibliya, at sinasabi ng ilang tao, “Ang Bibliya ay isang banal na aklat at ito ay dapat basahin.” Sinasabi ng ilang mga tao na, “Ang gawain ng Diyos ay dapat itaguyod magpakailanman, ang Lumang Tipan ay tipan ng Diyos sa mga Israelita, at hindi maaaring iwaksi, at ang Sabbath ay dapat laging ipangilin!” Hindi ba sila katawa-tawa? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus ang Sabbath? Siya ba’y nagkakasala? Sino ang maaaring lubos na makaunawa sa mga nasabing bagay? Paano man basahin ng mga tao ang Bibliya, magiging imposibleng malaman ang gawain ng Diyos gamit ang kanilang kapangyarihang umunawa. Hindi lamang sila hindi makakakuha ng dalisay na kaalaman tungkol sa Diyos, kundi magiging higit na napakasama ng kanilang mga kuru-kuro, kung kaya’t magsisimula silang tumutol sa Diyos. Kung hindi dahil sa pagkakatawang-tao ng Diyos ngayon, mawawasak ang mga tao ng sarili nilang mga kuru-kuro, at sila’y mamamatay sa gitna ng pagkastigo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 270

Ang Bibliya ay tinatawag din na Luma at Bagong Tipan. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng “tipan”? Ang “tipan” sa Lumang Tipan ay mula sa kasunduan ni Jehova sa bayan ng Israel nang patayin Niya ang mga taga-Ehipto at iligtas ang mga Israelita mula sa Faraon. Siyempre pa, ang patunay ng kasunduang ito ay ang dugo ng tupa na ipinahid sa itaas ng mga pintuan, na sa pamamagitan nito’y nagtatag ang Diyos ng kasunduan sa tao, kung saan sinabi na ang lahat ng may dugo ng tupa sa itaas at mga gilid ng pintuan ay mga Israelita, sila ang hinirang na bayan ng Diyos, at silang lahat ay ililigtas ni Jehova (sapagkat papatayin na ni Jehova noon ang lahat ng panganay na anak ng Ehipto at panganay na mga tupa at baka). Ang kasunduang ito ay may dalawang antas ng kahulugan. Walang tao o mga alagang hayop ng Ehipto ang ililigtas ni Jehova; papatayin Niya ang lahat ng kanilang panganay na anak at panganay na mga tupa at baka. Kaya, sa maraming aklat ng propesiya inihula na ang mga taga-Ehipto ay matinding kakastiguhin bilang resulta ng kasunduan ni Jehova. Ito ang unang antas ng kahulugan ng kasunduan. Pinatay ni Jehova ang mga panganay na anak ng Ehipto at ang lahat ng panganay na alagang hayop, at iniligtas Niya ang lahat ng Israelita, na nangangahulugang ang lahat ng tao sa lupain ng Israel ay itinangi ni Jehova, at ang lahat ay maliligtas; ninais Niyang gumawa ng pangmatagalang gawain sa kanila, at itinatag ang kasunduan sa kanila gamit ang dugo ng tupa. Simula noon, hindi papatayin ni Jehova ang mga Israelita, at sinabi na sila ang Kanyang mga hinirang magpakailanman. Mula sa labindalawang tribo ng Israel, sisimulan Niya ang Kanyang gawain sa buong Kapanahunan ng Kautusan, ilalatag Niya ang lahat ng Kanyang batas sa mga Israelita, at pipili mula sa kanila ng mga propeta at mga hukom, at sila ang magiging sentro ng Kanyang gawain. Nakipagkasundo si Jehova sa kanila: Malibang magbago ang kapanahunan, Siya ay gagawa lamang sa gitna ng mga hinirang. Ang kasunduan ni Jehova ay hindi nababago, dahil ito ay isinakatuparan sa dugo, at itinatag sa Kanyang hinirang na bayan. Higit pa rito, pumili Siya ng naaangkop na saklaw at layon na dapat pagmulan ng Kanyang gawain para sa buong kapanahunan, at sa gayon nakita ng mga tao ang kasunduan na lalong mahalaga. Ito ang ikalawang antas ng kahulugan ng kasunduan. Maliban sa Genesis, na nauna pa sa pagtatatag ng kasunduan, itinatala ng lahat ng iba pang mga aklat sa Lumang Tipan ang gawain ng Diyos sa gitna ng mga Israelita pagkatapos ng pagtatatag ng kasunduan. Siyempre, may mga paminsan-minsang salaysay tungkol sa mga Hentil, ngunit sa pangkalahatan, ang Lumang Tipan ay nagsasaad ng gawain ng Diyos sa Israel. Dahil sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita, ang mga aklat na isinulat sa Kapanahunan ng Kautusan ay tinatawag na Lumang Tipan. Ang mga ito ay ipinangalan mula sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita.

Ang Bagong Tipan ay ipinangalan mula sa pagdanak ng dugo ni Jesus sa krus at sa Kanyang kasunduan sa lahat ng naniniwala sa Kanya. Ang kasunduan ni Jesus ay ito: Ang mga tao ay kailangan lamang maniwala sa Kanya upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan dahil sa pagdanak ng Kanyang dugo, at sa gayon ay maliligtas sila, at isisilang muli sa pamamagitan Niya, at hindi na magiging mga makasalanan; ang mga tao ay kailangan lamang maniwala sa Kanya upang matanggap ang Kanyang biyaya, at hindi magdusa sa impiyerno pagkatapos nilang mamatay. Ang lahat ng aklat na isinulat noong Kapanahunan ng Biyaya ay dumating pagkatapos ng kasunduang ito, at lahat ng ito ay isinasaad ang gawain at mga pagbigkas na nakapaloob dito. Hindi lumalagpas ang mga ito sa pagliligtas ng pagkapako sa krus ng Panginoong Jesus o sa kasunduan; itong lahat ay mga aklat na isinulat ng mga kapatid sa Panginoon na nagkaroon ng mga karanasan. Kaya, ang mga aklat na ito ay ipinangalan din mula sa isang kasunduan: Tinatawag silang ang Bagong Tipan. Ang dalawang tipan na ito ay sinasaklaw lamang ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya, at walang kaugnayan sa huling kapanahunan. Kaya’t ang Bibliya ay walang malaking gamit para sa mga tao ngayong mga huling araw. Masasabi lang na nagsisilbi ito bilang pansamantalang sanggunian, ngunit ito ay talagang walang gaanong halagang gamitin. Datapwa’t ito pa rin ang pinakaiingat-ingatan ng mga relihiyosong tao. Hindi nila alam ang Bibliya; alam lamang nila kung paano ipaliwanag ang Bibliya, ngunit walang malay sa mga pinagmulan nito. Ang kanilang saloobin sa Bibliya ay: Lahat na nasa Bibliya ay tama, wala itong nilalaman na mga di-kawastuan o mga pagkakamali. Dahil una na nilang napagpasyahan na ang Bibliya ay tama at walang pagkakamali, pinag-aaralan nila at sinusuri ito nang may malaking interes. Ang kasalukuyang yugto ng gawain ay hindi inihula sa Bibliya. Hindi kailanman nabanggit ang gawaing paglupig sa pinakamadilim na lugar, dahil ito ang pinakabagong gawain. Sapagkat ang kapanahunan ng gawain ay naiiba, kahit si Jesus Mismo ay hindi alam na ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa mga huling araw—kung magkagayon, paano mahahanap ng mga tao sa mga huling araw ang yugtong ito ng gawain sa Bibliya sa pamamagitan ng pagsusuri rito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 2

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 271

Hindi lahat ng nasa Bibliya ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Bibliya ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga propesiya ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Matatagpuan sa maraming aklat sa Bibliya ang mga kuru-kuro ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pag-unawa ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na ang mga ito ay tumpak na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang hango sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga propesiya ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa tuwirang tagubilin ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, at lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na tuwirang itinagubilin ni Jehova. At bakit kumilos si Jehova sa kanila? Sapagkat ang bayan ng Israel ang hinirang na mga tao ng Diyos, at ang gawain ng mga propeta ay kailangang isagawa sa kanila; iyon ang dahilan kung bakit nagawang tumanggap ng mga propeta ng gayong mga pahayag. Sa katunayan, hindi nila mismo naunawaan ang mga pahayag ng Diyos sa kanila. Sinabi ng Banal na Espiritu ang mga salitang iyon sa pamamagitan ng kanilang bibig upang maunawaan ng mga tao sa hinaharap ang mga bagay na iyon, at makita na ang mga iyon ay gawain talaga ng Espiritu ng Diyos, ng Banal na Espiritu, at hindi nagmula sa tao, at mabigyan sila ng pagpapatibay ng gawain ng Banal na Espiritu. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus Mismo ang gumawa ng lahat ng gawaing ito kahalili nila, kaya nga hindi na nagsalita ng propesiya ang mga tao. Kaya propeta ba si Jesus? Si Jesus, siyempre, ay isang propeta, pero nagawa rin Niya ang gawain ng mga apostol—kaya Niyang magsalita ng propesiya at mangaral at magturo sa mga tao sa buong kalupaan. Subalit ang gawaing isinakatuparan Niya at ang pagkakakilanlan na Kanyang kinakatawan ay hindi magkapareho. Pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan, upang tubusin ang tao mula sa kasalanan; Siya ay isang propeta, at isang apostol, pero higit pa roon, Siya si Cristo. Ang isang propeta ay maaaring magsalita ng propesiya, ngunit hindi masasabi na ang propetang tulad nito ay si Cristo. Sa panahong iyon, maraming ipinahayag na propesiya si Jesus, kaya masasabi na isa Siyang propeta, pero hindi masasabi na isa Siyang propeta kaya hindi Siya si Cristo. Iyon ay dahil kinatawan Niya ang Diyos Mismo sa pagsasagawa ng isang yugto ng gawain, at iba ang pagkakakilanlan Niya kay Isaias: Pumarito Siya upang kumpletuhin ang gawain ng pagtubos, at Siya rin ang nagbigay ng buhay sa tao, at tuwirang napasa-Kanya ang Espiritu ng Diyos. Sa gawaing isinakatuparan Niya, walang mga inspirasyong nagmula sa Espiritu ng Diyos o mga tagubilin mula kay Jehova. Sa halip, tuwirang gumawa ang Espiritu—at sapat na ito upang mapatunayan na si Jesus ay hindi kapareho ng isang propeta. Ang gawaing isinakatuparan Niya ay ang gawain ng pagtubos, na pinangalawahan ng pagsasalita ng propesiya. Siya ay isang propeta, isang apostol, ngunit higit pa riyan, Siya ang Manunubos. Samantala, ang mga manghuhula ay maaari lamang magsalita ng propesiya, at walang kakayahang kumatawan sa Espiritu ng Diyos sa pagganap ng anumang iba pang gawain. Dahil maraming ginawa si Jesus na hindi pa nagawa ng tao kailanman, at isinakatuparan ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan kaya naiiba Siya sa mga katulad ni Isaias.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 272

Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Bibliya ay Diyos, at na ang Diyos ay ang Bibliya. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Bibliya ay tanging mga salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pagkaunawa ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta ang lahat ng ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, at mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi rin siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Corinto, Galacia, at iba pang mga Iglesia. Kaya ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga liham ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga tuwirang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagampanan ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng karamihan ng ginawa ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat na kapatid sa Panginoon, upang sundin ng mga kapatid sa iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginampanan niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at kaya kailangan niyang tanggapin ang responsibilidad para sa mga iglesia, at kailangan niyang isagawa ang gawain ng mga iglesia, kailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga liham para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi nito maaaring katawanin ang Diyos. Napakasamang pagkaunawa at napakalaking kalapastangan sa Diyos ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo iyan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga liham ay isinulat para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga liham para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay sa isang naglilingkod lamang na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Kaya hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay wala nang iba pa kundi isang nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ay mga salita ng Banal na Espiritu, ito ay mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay iyong kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya magiging isang kapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paanong nakayuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang kaswal na bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga kaisipan ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paanong hindi mababahiran ang mga ito ng mga ideya ng tao? Isinulat niya ang mga liham para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sarili niyang kaalaman. Halimbawa, sumulat si Pablo ng liham sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng isa pa, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Kaya masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao—hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang mga sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katumbas ng mga talambuhay ng makabagong espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng makabagong espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring tuwirang katawanin ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 273

Nakasaad sa Ebanghelyo ni Mateo sa Bagong Tipan ang talaangkanan ni Jesus. Sa simula, sinasabi rito na si Jesus ay inapo ni Abraham at ni David, at anak ni Jose; pagkatapos ay sinabi rito na ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at ipinanganak ng isang birhen—ibig sabihin ay hindi Siya anak ni Jose o inapo ni Abraham at ni David. Gayunman, iginigiit ng talaangkanan na iugnay si Jesus kay Jose. Pagkatapos, sinimulang itala ng talaangkanan ang proseso kung paano isinilang si Jesus. Sabi rito, si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na Siya ay ipinanganak ng isang birhen, at hindi Siya anak ni Jose. Pero sa talaangkanan malinaw na nakasulat na si Jesus ay anak ni Jose, at dahil isinulat ang talaangkanan para kay Jesus, apatnapu’t dalawang henerasyon ang nakatala rito. Pagdating sa henerasyon ni Jose, dali-dali nitong sinabi na si Jose ang asawa ni Maria, mga salita na nilayong patunayan na si Jesus ay inapo ni Abraham. Hindi ba pagsalungat ito? Malinaw na isinasaad ng talaangkanan ang kanunu-nunuan ni Jose, malinaw na ito ang talaangkanan ni Jose, pero iginigiit ni Mateo na ito ang talaangkanan ni Jesus. Hindi ba nito ikinakaila ang katunayang ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Samakatuwid, hindi ba’t ang talaangkanang ginawa ni Mateo ay ideya ng tao? Nakakatawa ito! Sa ganitong paraan mo malalaman na ang aklat na ito ay hindi lubusang nagmula sa Banal na Espiritu. Marahil, may ilang tao na nag-aakala na may talaangkanan talaga ang Diyos sa lupa, kaya itinalaga nila si Jesus bilang ika-apatnapu’t dalawang henerasyon ni Abraham. Nakakatawa talaga iyan! Matapos dumating sa lupa, paano nagkaroon ng talaangkanan ang Diyos? Kung sinasabi mong may talaangkanan ang Diyos, hindi ba ninyo Siya inihahanay sa mga nilalang ng Diyos? Sapagkat ang Diyos ay hindi nagmula sa lupa, Siya ang Panginoon ng paglikha, at bagama’t Siya ay may katawang-tao, hindi magkatulad ang diwa Niya at ng tao. Paano mo ihahanay ang Diyos na katulad ng uri ng nilalang ng Diyos? Si Abraham ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos; siya ang pakay ng gawain ni Jehova nang panahong iyon, isa lamang siyang tapat na lingkod na sinang-ayunan ni Jehova, at isa siya sa bayan ng Israel. Paano siya magiging ninuno ni Jesus?

Sino ang sumulat ng talaangkanan ni Jesus? Si Jesus ba Mismo ang sumulat niyon? Personal bang sinabi ni Jesus sa kanila na, “Isulat ang Aking talaangkanan”? Itinala ito ni Mateo matapos ipako si Jesus sa krus. Sa panahong iyon, maraming nagawa si Jesus na hindi maunawaan ng Kanyang mga disipulo, at hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Nang makaalis na Siya, sinimulang mangaral at gumawa ng mga disipulo sa lahat ng dako, at para sa kapakanan ng yugtong iyon ng gawain, sinimulan nilang isulat ang mga liham at mga aklat ng ebanghelyo. Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Bagong Tipan ay naitala dalawampu hanggang tatlumpung taon matapos ipako sa krus si Jesus. Noon, Lumang Tipan lang ang binabasa ng bayan ng Israel. Ibig sabihin, sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, Lumang Tipan ang binabasa ng mga tao. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ang Kanyang gawain ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, karagdagan pa rito ang mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang mahigit tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, mapiling tinipon ng mga sumunod na henerasyon ang mga dokumentong ito, at noon lamang nagkaroon ng Bagong Tipan ang Bibliya. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, at sumulat si Pablo at ang iba pang mga apostol ng napakaraming sulat sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar. Pinagsama-sama ng mga taong sumunod sa kanila ang mga sulat nila, at idinagdag ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos, kung saan ipinropesiya ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Ginawa ng mga tao ang pagkakasunud-sunod na ito, na iba kaysa mga pagbigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na isinakatuparan ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Ikaw—sangkatauhan—ay hindi kailangang makialam; ang mga salita, na tuwirang nagmula sa Espiritu, ay isinaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pag-alam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Bibliya bilang Diyos, napakamangmang at napakahangal mo! Bakit hindi mo hinahanap ang gawain ng Diyos sa ngayon? Gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Bibliya ang tao, maaaring basahin ito ng mga tao nang ilang libong taon at wala pa ring magiging pagbabago sa kanila kahit katiting, at kung sinasamba mo ang Bibliya, hinding-hindi mo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 274

Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magbigay-kahulugan sa Bibliya ay tulad ng pagkasumpong sa tunay na daan—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Bibliya: na ito’y wala nang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at na hindi ito nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Bibliya na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at ang gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na lumipas na ang dahilan kaya kasaysayan ang mga ito, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan, sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! Kaya kung iyo lamang nauunawaan ang Bibliya, at walang nauunawaan sa gawain na nilalayong isakatuparan ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Bibliya upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa buong kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad mo ang buhay, dahil hinahangad mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahangad ang mga walang-buhay na titik at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat mong hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Bibliya—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon. Sa pagbabasa ng Bibliya, ang pinakamauunawaan mo ay kaunti ng kasaysayan ng Israel, matututuhan mo ang tungkol sa mga buhay nina Abraham, David, at Moises, iyong malalaman kung paano nila sinamba si Jehova, kung paano sinunog ni Jehova ang mga kumalaban sa Kanya, at kung paano Siya nangusap sa mga tao ng kapanahunang iyon. Malalaman mo lamang ang tungkol sa gawain ng Diyos sa nakaraan. Ang mga talaan ng Bibliya ay may kaugnayan sa kung paano sumamba ang unang mga tao ng Israel sa Diyos at nabuhay sa ilalim ng gabay ni Jehova. Dahil ang mga Israelita ay hinirang na mga tao ng Diyos, makikita mo sa Lumang Tipan ang katapatan ng lahat ng tao ng Israel kay Jehova, kung paanong ang lahat ng sumunod kay Jehova ay inalagaan at pinagpala Niya, matututuhan mo na noong gumawa ang Diyos sa Israel, Siya ay puno ng awa at pagmamahal, gayundin ay nagtataglay ng tumutupok na apoy, at na ang lahat ng Israelita, mula sa aba hanggang sa makapangyarihan, ay sumamba kay Jehova, kaya ang buong bansa ay pinagpala ng Diyos. Sa ganoong paraan naitala ang kasaysayan ng Israel na naitala sa Lumang Tipan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 275

Ang Bibliya ay isang tala ng kasaysayan ng gawain ng Diyos sa Israel, at nakasulat dito ang marami sa mga propesiya ng mga sinaunang propeta gayundin ang ilan sa mga pagbigkas ni Jehova sa Kanyang gawain sa panahong iyon. Kaya tinitingnan ng lahat ng tao ang aklat na ito na banal (sapagkat ang Diyos ay banal at dakila). Siyempre, ang lahat ng ito ay resulta ng kanilang paggalang kay Jehova at ng kanilang pagsamba sa Diyos. Ang mga tao ay sumasangguni sa aklat na ito sa ganitong paraan dahil lamang sa ang mga nilalang ng Diyos ay napakamapitagan at mapagmahal sa kanilang Lumikha, at mayroon pa ngang mga tumatawag sa aklat na ito na isang makalangit na aklat. Sa katunayan, ito ay isa lamang tala ng tao. Ito ay hindi personal na pinangalanan ni Jehova, ni hindi rin personal na ginabayan ni Jehova ang paglikha nito. Sa madaling salita, ang may-akda ng aklat na ito ay hindi ang Diyos, kundi mga tao. Ang Banal na Bibliya ay ang kagalang-galang na pamagat na ibinigay lamang dito ng tao. Ang pamagat na ito ay hindi pinagpasyahan ni Jehova at ni Jesus matapos Silang magtalakayan; ito ay isa lamang ideya ng tao. Sapagkat ang aklat na ito ay hindi isinulat ni Jehova, lalong hindi ni Jesus. Sa halip, ito ay mga salaysay ng maraming sinaunang propeta, mga apostol, at mga nakakakita ng pangitain, na tinipon ng mga sumunod na henerasyon bilang isang aklat ng sinaunang mga kasulatan na para sa mga tao ay tila lubhang banal, isang aklat na sa tingin nila ay naglalaman ng maraming hindi maarok at malalalim na misteryo na naghihintay matuklasan ng susunod na mga henerasyon. Dahil dito, ang mga tao ay naging mas lalong nagkaroon ng tendensiyang maniwala na ang aklat na ito ay isang makalangit na aklat. Dahil sa karagdagan ng Apat na Ebanghelyo at ng Aklat ng Pahayag, ang saloobin ng mga tao hinggil dito ay partikular na naiiba mula sa anumang iba pang libro, at kaya walang sinumang naglalakas-loob na himay-himayin itong “makalangit na aklat” na ito dahil ito ay masyadong “sagrado.”

Bakit, sa sandaling nababasa nila ang Bibliya, kayang makasumpong ng mga tao ng isang tamang landas ng pagsasagawa rito? Bakit kaya nilang matamo nang masagana ang hindi nila nauunawaan? Ngayon, hinihimay-himay Ko ang Bibliya sa ganitong paraan at hindi ito nangangahulugan na kinasusuklaman Ko ito, o itinatanggi Ko ang halaga nito bilang sanggunian. Ipinaliliwanag Ko at nililinaw ang likas na halaga at mga pinagmulan ng Bibliya sa iyo upang pigilan ka sa pananatiling walang alam. Dahil ang mga tao ay napakaraming pananaw tungkol sa Bibliya, at karamihan sa mga iyon ay mali; ang pagbabasa ng Bibliya sa paraang ito ay hindi lamang humahadlang sa kanila mula sa pagkakaroon ng kung ano ang nararapat ngunit ang mas mahalaga ay pinipigilan nito ang gawain na Aking nilalayong isakatuparan. Napakalaking hadlang nito sa gawain ng hinaharap, at nagbibigay lamang ng mga balakid, hindi kapakinabangan. Kaya ang itinuturo Ko lamang sa iyo ay ang diwa at ang kuwentong napapaloob sa Bibliya. Hindi Ko sinasabi na huwag mong basahin ang Bibliya, o ipangalandakan mo na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka lamang ng wastong kaalaman at pananaw sa Bibliya. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lamang! Kahit na ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng mga tao, itinatala rin nito ang karamihan ng mga prinsipyo ng sinaunang mga banal at propeta sa paglilingkod sa Diyos, gayundin ang mga kamakailang karanasan ng mga apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng ito ay talagang nakita at nalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao ng kapanahunang ito sa paghahanap sa tunay na daan. Kaya, sa pagbabasa ng Bibliya ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming daan ng buhay na hindi matatagpuan sa iba pang mga aklat. Ang mga daang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya nga ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Bibliya. Dahil sa napakarami ng nakatago sa Bibliya, ang mga pananaw ng mga tao hinggil dito ay hindi tulad sa mga isinulat ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Bibliya ay isang talaan at tinipong mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, kaya nagtatamo ang mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagtanglaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay mas mataas kaysa sa mga isinulat ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga isinulat ay hinango mula sa Bibliya, ang kanilang mga karanasan ay nagmula lahat sa Bibliya, at lahat sila ay nagpapaliwanag ng Bibliya. At bagaman ang mga tao ay maaaring makakuha ng panustos mula sa mga aklat ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Bibliya, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Bibliya ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. Kaya ang mga aklat na ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay makapagtutustos lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at gaano man kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Gaano man kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay hindi na napapanahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay katulad din nito: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan ay matatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain, kung tutuusin, ay gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa gayon ding pundasyon, at hindi rin hindi nagbabago kailanman ang mga panahon, dahil mayroong paglikha at dapat maykaroon ng mga huling araw. Ito ay hindi maiiwasan! Kaya ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga aklat ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paano madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba’t ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka madadala ng mga ito tungo sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa mga lumang simbahan ng mga relihiyon—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa paniniwala mo sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 276

Ngayon, sino sa inyo ang nangangahas na magsabi na ang lahat ng salitang sinabi ng mga ginamit ng Banal na Espiritu ay mula sa Banal na Espiritu? Mayroon bang nangangahas sabihin ang gayong mga bagay? Kung sinasabi mo nga ang gayong mga bagay, bakit iwinaksi ang aklat ng propesiya ni Ezra, at bakit ganoon din ang ginawa sa mga aklat ng mga sinaunang banal at propeta? Kung ang lahat ng iyon ay mula sa Banal na Espiritu, bakit kayo nangangahas gumawa ng ganoong mga pabago-bagong pagpili? Karapat-dapat ka bang pumili ng gawain ng Banal na Espiritu? Marami ring kwento mula sa Israel ang iwinaksi. At kung naniniwala kang ang mga kasulatang ito mula sa nakaraan ay pawang mula sa Banal na Espiritu, kung gayon bakit iwinaksi ang ilan sa mga aklat? Kung ang lahat ng ito ay mula sa Banal na Espiritu, ang lahat ng ito ay dapat pinanatili, at ipinadala sa mga kapatid sa mga iglesia upang basahin. Hindi dapat pinili at iwinaksi ang mga ito batay sa kagustuhan ng tao; mali ang gawin iyon. Ang pagsasabi na ang mga karanasan nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kanilang mga sariling kabatiran ay hindi nangangahulugan na ang kanilang mga karanasan at kaalaman ay nagmula kay Satanas, kundi na mayroon lamang silang mga bagay na nagmula sa kanilang mga sariling karanasan at kabatiran. Ang kanilang kaalaman ay ayon sa nangyari sa kanilang mga aktwal na karanasan noong panahong iyon, at sino ang siguradong makapagsasabi na nagmula ang lahat ng ito sa Banal na Espiritu? Kung nagmula sa Banal na Espiritu ang lahat ng Apat na Ebanghelyo, bakit magkakaiba ang sinabi nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan tungkol sa gawain ni Jesus? Kung hindi kayo naniniwala rito, tingnan ninyo ang mga tala sa Bibliya kung paanong tatlong beses na itinanggi ni Pedro ang Panginoon: Magkakaiba ang lahat ng ito, at bawat isa ay mayroong kanya-kanyang mga katangian. Maraming mangmang ang nagsasabing, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isa ring tao, kaya ang mga salita ba na Kanyang sinasabi ay maaaring ganap na mula sa Banal na Espiritu? Kung ang mga salita nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kalooban ng tao, ang mga salita bang Kanyang sinasabi ay hindi talaga nahaluan ng kalooban ng tao?” Ang mga taong nagsasabi ng ganoong bagay ay mga bulag at mangmang! Basahin ninyo nang mabuti ang Apat na Ebanghelyo; basahin ninyo kung ano ang kanilang itinala tungkol sa mga bagay na ginawa ni Jesus, at ang mga salitang sinabi Niya. Ang bawat ulat ay talagang magkakaiba, at ang bawat isa ay mayroong sarili nitong pananaw. Kung ang isinulat ng mga may-akda ng mga aklat na ito ay nagmula lahat sa Banal na Espiritu, dapat magkakatulad at hindi pabago-bago ang lahat ng ito. Kaya bakit mayroong mga pagkakaiba?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 277

Ang mga pagbigkas at gawain ni Jesus sa panahong iyon ay hindi pinanghawakan ang mga doktrina, at hindi Niya isinagawa ang Kanyang gawain ayon sa gawain ng kautusan ng Lumang Tipan. Ito ay isinagawa ayon sa gawain na dapat isagawa sa Kapanahunan ng Biyaya. Gumawa Siya ayon sa gawaing Kanyang inilahad, ayon sa sarili Niyang plano, at ayon sa Kanyang ministeryo; hindi Siya gumawa ayon sa kautusan ng Lumang Tipan. Wala sa Kanyang mga ginawa ang ayon sa kautusan ng Lumang Tipan, at hindi Siya dumating para gumawa upang tuparin ang mga salita ng mga propeta. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay hindi ginawa para lamang tuparin ang mga hula ng mga sinaunang propeta, at hindi Siya pumarito upang sumunod sa mga doktrina o kusang isakatuparan ang mga hula ng mga sinaunang propeta. Gayunpaman, hindi ginambala ng Kanyang mga kilos ang mga hula ng mga sinaunang propeta, ni ginulo ang gawain na nauna na Niyang naisagawa. Ang kapansin-pansing bahagi ng Kanyang gawain ay hindi ang pagsunod sa anumang doktrina, at sa halip ay ang paggawa ng gawain na Siya Mismo ang dapat gumawa. Hindi Siya isang propeta o manghuhula, kundi isang tagagawa, na sa katunayan ay pumarito upang isagawa ang gawaing dapat Niyang gawin, at pumarito upang magbukas ng bagong panahon at isakatuparan ang Kanyang bagong gawain. Siyempre, nang dumating si Jesus upang isagawa ang Kanyang gawain, tinupad Niya rin ang marami sa mga salita na sinabi ng mga sinaunang propeta sa Lumang Tipan. Gayon din tinupad ng gawain ngayon ang mga propesiya ng mga sinaunang propeta ng Lumang Tipan. Hindi Ko lang itinataguyod ang “lumang almanak,” iyon lang. Sapagkat marami pang gawain ang kailangan Kong isagawa, marami pang mga salita ang dapat Kong sabihin sa inyo, at ang gawain at mga salitang ito ay higit na mahalaga kaysa sa pagpapaliwanag ng mga talata mula sa Bibliya, dahil ang gawaing gaya noon ay walang malaking kabuluhan o halaga para sa inyo, at hindi kayo matutulungan o mababago. Nilalayon Kong gumawa ng bagong gawain hindi para tuparin ang anumang talata mula sa Bibliya. Kung dumating lang ang Diyos sa lupa upang tuparin ang mga salita ng mga sinaunang propeta sa Bibliya, sino ang mas dakila, ang Diyos na nagkatawang-tao o ang mga sinaunang propeta? Matapos ang lahat, ang mga propeta ba ang namumuno sa Diyos, o ang Diyos ang namumuno sa mga propeta? Paano mo ipaliliwanag ang mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 278

Nabasa ng lahat ng Hudyo ang Lumang Tipan at alam nila ang propesiya ni Isaias na may isang sanggol na lalaki na isisilang sa isang sabsaban. Kung gayon, bakit inusig pa rin nila si Jesus sa kabila ng lubos na pagkaalam sa propesiyang ito? Hindi ba dahil sa kanilang likas na pagkasuwail at kamangmangan tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa panahong iyon, naniwala ang mga Pariseo na ang gawain ni Jesus ay naiiba sa alam nila tungkol sa ipinropesiyang sanggol na lalaki, at tinatanggihan ng mga tao ngayon ang Diyos dahil hindi sang-ayon sa Bibliya ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba pareho ang diwa ng kanilang pagkasuwail sa Diyos? Matatanggap mo ba, nang walang pag-aalinlangan, ang buong gawain ng Banal na Espiritu? Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ito ang tamang daloy, at dapat mong tanggapin ito nang walang anumang mga pagdududa; hindi mo dapat piliin kung ano ang iyong tatanggapin. Kung magkamit ka ng mas maraming kabatiran sa Diyos at mas maingat ka sa Kanya, hindi ba ito kalabisan? Hindi mo kailangang humanap ng iba pang patunay mula sa Bibliya; kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, kailangan mong tanggapin ito, sapagkat naniniwala ka sa Diyos upang sundan ang Diyos, at hindi mo Siya dapat siyasatin. Hindi ka dapat maghanap ng iba pang katibayan tungkol sa Akin upang patunayan na Ako ang iyong Diyos, kundi dapat mong mahiwatigan kung may pakinabang Ako sa iyo—ito ang pinakamahalaga. Kahit makakita ka ng maraming di-mapabulaanang patunay sa Bibliya, hindi ka nito lubos na maihaharap sa Akin. Mamumuhay ka lamang sa loob ng sakop ng Bibliya, at hindi sa Aking harapan; hindi ka matutulungan ng Bibliya na makilala Ako, ni hindi nito mapapalalim ang pagmamahal mo sa Akin. Bagama’t ipinropesiya sa Bibliya na isisilang ang isang sanggol na lalaki, walang sinumang makakaarok kung kanino matutupad ang propesiya, sapagkat hindi alam ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ang dahilan kaya nilabanan ng mga Pariseo si Jesus. Alam ng ilan na ang Aking gawain ay para sa interes ng tao, subalit patuloy silang naniniwala na si Jesus at Ako ay dalawang ganap na magkahiwalay, at hindi magkatugma. Sa panahong iyon, nagbigay lamang ng sunud-sunod na sermon si Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Kapanahunan ng Biyaya tungkol sa mga paksa kung paano magsagawa, paano magtipun-tipon, paano magmakaawa sa panalangin, paano tratuhin ang iba, at iba pa. Ang gawaing Kanyang isinagawa ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at ipinaliwanag lamang Niya kung paano nararapat magsagawa ang mga disipulo at yaong mga sumunod sa Kanya. Ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at wala Siyang ginawa sa gawain ng mga huling araw. Nang itakda ni Jehova ang batas ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa noon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya maagang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba ito makakatulong na tanggapin ito ng tao? Ipinropesiya lamang Niya na isisilang ang isang sanggol na lalaki at magiging makapangyarihan, ngunit hindi Niya isinagawa nang maaga ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawat isang kapanahunan ay may malilinaw na hangganan; ginagawa lamang Niya ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan, at hindi Niya isinasakatuparan nang maaga ang sumunod na yugto ng gawain kailanman. Sa ganitong paraan lamang maisusulong ang Kanyang gawaing kumakatawan sa bawat kapanahunan. Nagsalita lamang si Jesus tungkol sa mga tanda ng huling mga araw, paano maging mapagpasensya at paano maligtas, paano magsisi at mangumpisal, at kung paano magpasan ng krus at magtiis ng hirap; hindi Niya kailanman binanggit kung paano dapat pumasok ang tao sa huling mga araw, ni kung paano niya dapat hangaring palugurin ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, hindi ba katawa-tawang saliksikin ang Bibliya para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang makikita mo sa paghawak lamang nang mahigpit sa Bibliya? Isa mang tagapaglahad ng Bibliya o isang mangangaral, sino ang makakakita nang maaga sa gawain ngayon?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 279

Ang Bibliya ay naging bahagi na ng kasaysayan ng tao sa loob ng ilang libong taon. Bukod pa rito, itinuturing ito ng mga tao na parang Diyos, hanggang sa punto na sa mga huling araw, napalitan na nito ang Diyos, na kinasusuklaman ng Diyos. Sa gayon, nang magkaroon ng pagkakataon, nadama ng Diyos na dapat Niyang linawin ang kuwentong nakapaloob sa Bibliya at ang mga pinagmulan nito; kung hindi Niya ito gagawin, patuloy na papalit ang Bibliya sa puwang ng Diyos sa puso ng mga tao, at gagamitin ng mga tao ang mga salita ng Bibliya para sukatin at ikondena ang mga gawa ng Diyos. Sa pagpapaliwanag sa diwa, kayarian, at mga kapintasan ng Bibliya, hindi ikinaila ng Diyos sa anumang paraan ang pag-iral ng Bibliya, ni hindi Niya ito kinondena; sa halip, nagbigay Siya ng angkop at akmang paglalarawan na nagpanumbalik sa orihinal na imahe ng Bibliya, tumukoy sa mga maling pagkaunawa ng mga tao sa Bibliya, at nagbigay sa kanila ng tamang pananaw tungkol sa Bibliya, kaya hindi na nila sinamba ang Bibliya, at hindi na sila naligaw; na ibig sabihin, upang hindi na nila mapagkamalang pananampalataya at pagsamba sa Diyos ang kanilang bulag na pananampalataya sa Bibliya, na takot pa ngang harapin ang tunay na pinagmulan at mga kakulangan nito. Kapag nagkaroon ng dalisay na pagkaunawa ang mga tao tungkol sa Bibliya, nagagawa nilang isantabi ito nang walang pagsisisi at buong tapang na tinatanggap ang mga bagong salita ng Diyos. Ito ang layunin ng Diyos sa ilang kabanatang ito. Ang katotohanang nais sabihin ng Diyos sa mga tao rito ay na walang teorya o katunayang makakapalit sa gawain at mga salita ng Diyos sa ngayon, at na walang makakahalili sa Diyos. Kung hindi matatakasan ng mga tao ang bitag ng Bibliya, hindi nila magagawang humarap sa Diyos kailanman. Kung nais nilang humarap sa Diyos, kailangan muna nilang alisin sa kanilang puso ang anumang maaaring pumalit sa Kanya; sa gayon ay magiging kasiya-siya sila sa Diyos. Bagama’t ipinaliliwanag lamang ng Diyos ang Bibliya rito, huwag kalimutan na marami pang ibang maling bagay na tunay na sinasamba ng mga tao bukod pa sa Bibliya; ang tanging mga bagay na hindi nila sinasamba ay ang mga tunay na nagmumula sa Diyos. Ginagamit lamang ng Diyos ang Bibliya bilang halimbawa upang ipaalala sa mga tao na huwag tumahak sa maling landas, at huwag magmalabis na muli at maging biktima ng pagkalito habang nananalig sila sa Diyos at tumatanggap ng Kanyang mga salita.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Salita ni Cristo Nang Siya’y Naglakad sa mga Iglesia, Panimula

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 280

Marami na Akong nagawang gawain sa tao, at sa panahong ito nagpahayag din Ako ng maraming salita. Ang lahat ng salitang ito ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao at ipinahayag upang maging kaayon Ko ang tao. Gayunman, iilang tao lamang sa lupa na kaayon Ko ang nakamit Ko na, kaya sinasabi Kong hindi pinahahalagahan ng tao ang Aking mga salita—ito ay sapagkat hindi Ko kaayon ang tao. Sa ganitong pamamaraan, ang gawaing ginagawa Ko ay hindi lamang upang maaari Akong sambahin ng tao; ang mas mahalaga, ito ay upang maging kaayon Ko ang tao. Nagawa nang tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Mayroong mga nagsasabing kaayon Ko sila, ngunit ang ganitong mga tao ay lahat sumasamba sa malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, silang lahat ay laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Bibliya, nililimitahan nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakita, at wala silang kakayahang makita, at inilalabas nila ito upang tingnan kung paano nila gusto. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Banal na Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga salita at mga pagpapahayag, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagiging kaayon ng mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay, walang pagtatanging, hindi Ko gawain. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi masigasig na sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang sa puntong—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at hindi pagiging ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t na hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi binibigyang pansin ang kalooban Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong nanalig sa Bibliya. Sa diwa, mga tagapagbantay sila ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, upang mapanatili ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong sila sa pagpako sa krus sa mahabaging si Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog para sa kasalanan upang hatulan ng kamatayan si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Banal na Kasulatan. Hindi ba’t silang lahat ay mga sunud-sunuran sa bawat salita ng Banal na Kasulatan?

At paano naman ang mga tao ngayon? Pumarito si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makapasok sila sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagparito ng katotohanan upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Bibliya. Paano matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung labis na mapaghangad ng masama ang puso niya at labis na laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag itinatapat Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, lalo pa niyang ikinakaila ang pag-iral Ko. Hinahanap ng tao na maging kaayon ng mga salita at maging kaayon ng Bibliya, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sadyang walang halaga. Yaong mga naghahangad lamang na maging kaayon ng mga salita ng Bibliya at naghahangad lamang na maging kaayon ng isang malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng di-mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na ilalagay ang sarili Niya sa ilalim ng kapangyarihan ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik sa Akin—paano Ko sila magiging kaayon?

Yaong mga laban sa Akin ay yaong mga hindi Ko kaayon. Ganito rin ang kaso ng yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Yaong mga naghihimagsik laban sa Akin ay lalo pang laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Iniaabot Ko sa mga kamay ng masama lahat yaong mga hindi Ko kaayon, at ipinauubaya Ko sila sa katiwalian ng masama, hinahayaan Ko silang ibunyag ang kasamaan nila, at sa huli ay ibinibigay Ko sila sa masama upang lamunin. Hindi Ko iniintindi kung gaano karami ang sumasamba sa Akin, na ang ibig sabihin, hindi Ko iniintindi kung gaano karaming tao ang nananalig sa Akin. Ang iniintindi Ko lamang ay kung gaano karami ang kaayon Ko. Iyon ay dahil ang lahat ng hindi Ko kaayon ay masasama na ipinagkakanulo Ako; mga kaaway Ko sila, at hindi ko “isasadambana” sa tahanan Ko ang mga kaaway Ko. Yaong mga kaayon Ko ay magpakailanmang maglilingkod sa Akin sa tahanan Ko, at yaong mga lumalaban sa Akin ay magpakailanmang magdurusa ng kaparusahan Ko. Yaong mga may pakialam lamang sa mga salita ng Bibliya at walang pakialam sa katotohanan o sa paghahanap sa mga yapak Ko—laban sila sa Akin, dahil nililimitahan nila Ako ayon sa Bibliya, at ikinukulong nila Ako sa loob ng Bibliya, at sukdulang napakalapastangan sa Akin. Paano makapupunta sa harap Ko ang ganitong mga tao? Hindi nila binibigyang pansin ang mga gawa Ko, o ang kalooban Ko, o ang katotohanan, kundi sa halip ay nahuhumaling sila sa mga salita—mga salitang pumapatay. Paano Ko magiging kaayon ang ganitong mga tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo

Sinundan: Disposisyon ng Diyos at Kung Ano ang Mayroon Siya at Ano Siya

Sumunod: Paglalantad ng mga Pagkaintindi ng mga Relihiyon

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 5

Nagbabago ang mga bundok at mga ilog, umaagos ang mga batis sa daanan ng mga ito, at hindi nagtatagal ang buhay ng tao gaya ng daigdig at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messnger