Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Ang hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao ay ang pinakamahalagang bagay. Nakalulungkot na marami ang hindi nakakaunawa nito at bumabalewala sa usaping ito ng pagiging matapat na tao. Kung tunay na nauunawaan ng mga tao ang gawain ng Diyos, malalaman nila na pagkatapos Niyang makompleto ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, ang matatapat na tao lamang na napadalisay mula sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at nagwaksi ng kanilang mga panlilinlang at kasinungalingan, ang magtatamo ng Kanyang kaligtasan at magiging kalipikadong pumasok sa Kanyang kaharian. Kung, pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, puno pa rin ng mga kasinungalingan at panlilinlang ang mga tao; kung hindi nila kayang taos-pusong igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at palagi nilang pabasta-bastang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, tiyak na itataboy sila ng Diyos. Ano ang magiging kalalabasan nila? Tiyak na paaalisin at ititiwalag sila sa iglesia. Ngayon, sa pagkakita sa gawain ng Diyos na umabot sa hakbang na ito, maaalala ng isang tao kung paano palaging hinihingi ng Diyos sa tao na maging matapat. Malaki ang kahalagahan nito. Hindi ito kaswal lang na sinabi at tapos na—ito ay may direktang kaugnayan sa kung makakamit ba o hindi ng isang tao ang kaligtasan at mabubuhay, at sa kalalabasan at hantungan ng bawat tao. Samakatwid, masasabi nang may katiyakan na sa pamamagitan lamang ng pagwawaksi sa mapanlinlang na disposisyon ng tao at sa pagiging matapat na tao na maisasabuhay ng isang tao ang normal na pagkatao at makakamit ang kaligtasan. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon pero mapanlinlang pa rin ay nakatadhanang matiwalag.
Lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ay nagsasanay na ngayon na gumampan sa kanilang mga tungkulin, at sa pamamagitan ng paggampan ng mga tao sa kanilang tungkulin, ginagawang perpekto ng Diyos ang isang grupo ng mga tao at itinitiwalag ang isa pa. Kaya, ang paggampan ng tungkulin ang nagbubunyag sa bawat uri ng tao, at ang bawat uri ng mapanlinlang na tao, hindi mananampalataya, at masamang tao ay nabubunyag at natitiwalag sa paggampan ng kanilang tungkulin. Ang mga gumagampan sa kanilang mga tungkulin nang may debosyon ay matatapat na tao; ang mga palaging pabasta-basta ay mapanlinlang, tusong mga tao, at sila ay mga hindi mananampalataya; at yaong mga nagiging dahilan ng mga paggambala at panggugulo sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at tumatangging magsisi kahit kaunti ay masasamang tao at mga anticristo. Ngayon, umiiral pa rin ang maraming uri ng problema sa marami sa mga gumagampan ng mga tungkulin. Ang ilan ay laging napakapasibo sa kanilang mga tungkulin, laging nakaupo at naghihintay at umaasa sa iba. Anong uri ng saloobin iyan? Pagiging iresponsable. Isinaayos ng sambahayan ng Diyos na gumampan ka ng isang tungkulin, ngunit ilang araw ang lumipas at wala ka pa ring nagagawang anumang kongkretong gawain. Hindi ka nakikita sa lugar ng trabaho, at hindi ka nahahanap ng maraming tao kapag mayroon silang mga problemang kinakailangang lutasin. Hindi mo pinasan ang gawaing ito. Kung magtatanong ang isang lider tungkol sa gawain, ano ang sasabihin mo sa kanya? Alam na alam mo na ito ay gawaing dapat mong gawin, pero hindi mo ito ginagawa. Ano ba ang iniisip mo? Hindi ka ba gumagawa ng anumang gawain dahil wala kang kakayahan dito? O sakim ka lang sa kaginhawahan? Ano mismo ang saloobing mayroon ka sa iyong tungkulin? Nagsasalita ka lang tungkol sa mga salita at doktrina at sinasabi mo lang ang mga bagay na masarap pakinggan, ngunit wala kang ginagawang aktuwal na gawain. Kung ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magbitiw. Huwag kang manatili sa iyong posisyon habang hindi gumagawa ng anumang totoong gawain. Hindi ba’t sa paggawa nito ay pinipinsala mo ang mga taong hinirang ng Diyos at inaantala ang gawain ng iglesia? Sa paraan ng iyong pagsasalita, tila nauunawaan mo ang lahat ng klase ng doktrina, pero kapag hiniling sa iyo na gampanan ang isang tungkulin, pabaya ka, at hindi mo ito isinasapuso kahit kaunti. Iyan ba ay taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? Hindi ka sinsero pagdating sa Diyos, pero nagkukunwari kang may sinseridad. Kaya mo ba Siyang linlangin? Sa paraan ng iyong karaniwang pagsasalita, tila mayroong malaking pananalig, at inaasam mo pa ngang maging haligi ng iglesia at maging pundasyon nito. Ngunit kapag ginagampanan mo ang isang tungkulin, mas wala kang silbi kaysa sa isang palito ng posporo. Hindi ba’t pagtatangka ito na sadyang linlangin ang Diyos? Alam mo ba kung ano ang mangyayari sa iyo sa pagtatangkang linlangin ang Diyos? Itataboy at ititiwalag ka Niya! Lahat ng tao ay nabubunyag sa paggampan sa kanilang mga tungkulin—hangga’t ang isang tao ay umako ng isang tungkulin, hindi magtatagal bago mabunyag kung siya ba ay isang matapat na tao o isang mapanlinlang na tao at kung siya ba ay nagmamahal sa katotohanan o hindi. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay kayang taos-pusong gampanan ang kanilang mga tungkulin at itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos kahit kaunti, at iresponsable sila sa paggampan sa kanilang mga tungkulin. Agad itong malinaw sa mga taong may matalas na pang-unawa. Sinumang hindi maayos ang paggampan sa tungkulin ay hindi nagmamahal sa katotohanan o hindi isang matapat na tao; ang mga gayong tao ay pawang mabubunyag at matitiwalag. Para magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, dapat magkaroon ang mga tao ng pakiramdam ng responsabilidad at magdala ng pasanin. Sa ganitong paraan, tiyak na magagawa nang maayos ang gawain. Ang nakakabahala ay kapag ang isang tao ay hindi nagdadala ng pasanin o walang pakiramdam ng responsabilidad, at kailangang himukin para kumilos; kapag palagi siyang pabasta-basta; at kapag sinusubukan niyang ipasa ang sisi sa iba kapag lumilitaw ang mga problema, humahantong sa mga pagkaantala sa pagkalutas ng mga ito. Kung gayon, magagawa pa rin kaya nang maayos ang gawain? Maaari kayang magbunga ng anumang resulta ang paggampan nila sa kanilang tungkulin kung ganito? Ayaw nilang gawin ang anumang isinasaayos ng iglesia na gawin nila, at kapag nakikita nila ang ibang tao na nangangailangan ng tulong sa ginagawa ng mga ito, hindi nila pinapansin ang mga ito. Kapag inutusan silang gumawa ng isang bagay ay saka lang sila napipilitang gawin ito nang kaunti. Hindi ito paggampan ng tungkulin—ito ay pagiging isang upahang trabahador! Kapag ang isang upahang trabahador ay nagtatrabaho para sa isang amo, sumasahod siya hangga’t nasa trabaho siya, kumikita ng pera batay sa kung ilang oras man siyang nagtrabaho; naghihintay na lang siyang makasahod. Natatakot siyang gumawa ng anumang trabahong hindi nakikita ng kanyang amo, natatakot siyang hindi magantimpalaan sa anumang ginawa niya. Gusto lamang niyang gumawa ng trabaho kung saan napapansin siya. Ipinapakita nito na wala siyang katapatan. Madalas, hindi kayo makasagot kapag tinatanong kayo tungkol sa mga isyu sa gawain. Lahat kayo ay nakibahagi sa gawain, subalit hindi ninyo kailanman tinanong kung kumusta ang gawain, at hindi ninyo kailanman pinag-isipan nang mabuti ang tungkol dito. Sa katunayan, dahil sa inyong kakayahan at kaalaman, hindi dapat mangyari na wala kayong alam. Kaya bakit walang masabi ang karamihan sa inyo tungkol sa gawain? Posibleng dahil hindi talaga ninyo alam ang sasabihin—hindi ninyo alam kung maayos ba ang takbo ng mga bagay-bagay o hindi. May dalawang dahilan para dito: Una ay hindi ninyo isinapuso ang mga bagay na ito kahit kaunti; hindi kayo kailanman nagkaroon ng malasakit sa mga ito, at itinuring lamang ang mga ito bilang mga gampaning dapat tapusin. Ang isa pa ay iresponsable kayo at ayaw ninyong magmalasakit sa mga bagay na ito. Kung tunay kang nagmalasakit, at talagang isinapuso mo ang mga ito, magkakaroon ka ng mga pananaw at opinyon sa lahat ng isyu. Ang kawalan ng mga opinyon o pananaw ay kadalasang bunga ng kawalan ng pakialam at pagsasawalang-bahala, at ng hindi pag-ako ng anumang responsabilidad. Hindi mo isinasapuso ang iyong tungkulin, hindi ka umaako ng anumang responsabilidad para dito, hindi ka handang magbayad ng halaga o magtanong kung kumusta na ang mga bagay-bagay, ayaw mong mag-alala, at ayaw mong gumugol ng mas maraming lakas; kontento ka na lamang sa pagiging isang tau-tauhan. Wala itong ipinagkaiba sa isang walang pananampalataya na nagtatrabaho para sa kanyang amo. Inaayawan ng Diyos at hindi Niya tinatanggap ang ganitong paggampan ng tungkulin. Hindi nito makakamit ang Kanyang pagsang-ayon.
Minsang sinabi ng Panginoong Jesus, “Sinumang mayroon ay bibigyan, at siya ay magkakaroon ng mas sagana: ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya” (Mateo 13:12). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay kung ni hindi ka nagsasagawa o inilalaan ang sarili mo sa iyong sariling tungkulin o trabaho, babawiin ng Diyos ang mga dating sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng “babawiin”? Ano ang ipinararamdam niyon sa mga tao? Maaaring nabibigo kang matamo kung ano sana ang itinutulot ng iyong kakayahan at mga kaloob na iyong matamo, at wala kang nararamdaman, at para ka lang isang walang pananampalataya. Ganoon iyon kapag binawi ng Diyos ang lahat ng bagay. Kung pabaya ka, at hindi nagbabayad ng halaga, at hindi ka sinsero, babawiin ng Diyos kung anong mayroon ka dati, babawiin Niya ang karapatan mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi Niya ipagkakaloob sa iyo ang karapatang ito. Dahil binigyan ka ng Diyos ng mga kaloob at kakayahan, subalit hindi mo ginampanan nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ginugol ang iyong sarili para sa Diyos, o nagbayad ng halaga, at hindi mo inilagay ang iyong puso rito, bukod sa hindi ka pagpapalain ng Diyos, babawiin din Niya kung ano ang dating mayroon ka. Nagbibigay ang Diyos ng mga kaloob sa mga tao, na nagbibigay sa kanila ng espesyal na mga kasanayan pati na ng talino at karunungan. Paano dapat gamitin ng mga tao ang mga bagay na ito? Kailangan mong ialay ang iyong espesyal na mga kasanayan, iyong mga kaloob, iyong talino at karunungan sa iyong tungkulin. Kailangan mong gamitin ang iyong puso at gamitin ang lahat ng nalalaman mo, lahat ng nauunawaan mo, at lahat ng makakamtan mo sa iyong tungkulin. Sa paggawa nito, pagpapalain ka. Ano ba ang ibig sabihin ng pagpalain ng Diyos? Ano ang ipinaparamdam nito sa mga tao? Na sila ay binigyang-liwanag at pinatnubayan ng Diyos, at na mayroon silang landas kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Para sa ibang tao, maaaring magmistulang hindi mo magagawa ang mga bagay-bagay gamit ang iyong kakayahan at ang iyong mga natutunan—subalit kapag gumagawa ang Diyos at binibigyan ka ng kaliwanagan, hindi mo lamang mauunawaan at magagawa ang mga bagay na iyon, kundi magagawa mo pa ang mga iyon nang mabuti. Sa huli, mapapaisip ka pa sa sarili mo, “Hindi ako ganoon kahusay dati, pero ngayon ay mas higit na maraming magandang bagay sa loob ko—lahat ng ito ay positibo. Hindi ko kailanman inaral ang mga bagay na iyon, ngunit biglang naiintindihan ko na ang lahat ng ito ngayon. Paanong bigla na lang akong tumalino nang husto? Paanong napakarami ko nang kayang gawin ngayon?” Hindi mo ito maipapaliwanag. Ito ang kaliwanagan at pagpapala ng Diyos; ganito pinagpapala ng Diyos ang mga tao. Kung hindi ninyo ito nararamdaman kapag ginagampanan ang inyong tungkulin o ginagawa ang inyong trabaho, hindi kayo pinagpala ng Diyos. Kung pakiramdam mo lagi ay walang kabuluhan ang paggawa mo ng iyong tungkulin, kung pakiramdam mo parang wala namang kailangang gawin, at hindi mo magawang mag-ambag, kung hindi ka kailanman nakatatanggap ng kaliwanagan, at pakiramdam mo ay wala kang anumang katalinuhan o karunungan na magagamit, kung gayon ay problema nga ito. Nagpapakita ito na wala kang tamang motibo o tamang landas sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi sang-ayon ang Diyos, at hindi normal ang iyong kalagayan. Dapat mong suriin ang iyong sarili: “Bakit wala akong landas sa aking tungkulin? Napag-aralan ko ang larangang ito, at nasa loob ito ng saklaw ng aking espesyalisasyon—mahusay pa nga ako rito. Bakit kapag sinusubukan kong gamitin ang aking kaalaman, hindi ko magawa? Bakit hindi ko ito magamit? Ano ang nangyayari?” Nagkataon lang ba ito? May problema rito. Kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, nagiging matalino siya at marunong, malinaw niyang nauunawaan ang lahat ng bagay, matalas din siya, alisto at masyadong magaling; magkakaroon siya ng kakayahan at magiging inspirado sa lahat ng ginagawa niya, at iisipin niya na lahat ng ginagawa niya ay napakadali at walang paghihirap na makakasagabal sa kanya—pinagpapala siya ng Diyos. Kung napakahirap ng lahat ng bagay para sa isang tao, at siya ay malamya, madaling mabaluktot, at walang kaalam-alam anuman ang kanyang ginagawa, kung hindi niya nauunawaan ang anumang sinasabi sa kanya, ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay wala siyang patnubay ng Diyos at wala siyang pagpapala ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Nagsumikap na ako, kaya bakit hindi ko nakikita ang mga pagpapala ng Diyos?” Kung magsusumikap at magpapakapagod ka lamang ngunit hindi mo hinahangad na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay iniraraos mo lamang ang iyong tungkulin. Paano mo posibleng makikita ang mga pagpapala ng Diyos? Kung palagi kang walang ingat sa paggampan sa iyong tungkulin at hindi ka maingat kahit kailan, hindi ka mabibigyang-liwanag o matatanglawan ng Banal na Espiritu, at hindi mapapasaiyo ang patnubay ng Diyos o ang Kanyang gawain, at hindi magkakaroon ng bunga ang iyong mga ginagawa. Napakahirap gampanan nang maayos ang isang tungkulin o asikasuhin nang mabuti ang isang usapin sa pamamagitan ng pag-asa sa lakas at kaalaman ng tao. Iniisip ng lahat na may kaunti silang nalalaman, na may ilan silang alam na gawin, ngunit hindi maayos ang paggawa nila ng mga bagay-bagay, at palaging nagugulo ang mga bagay-bagay, na umaani ng mga komento at tawanan. Problema ito. Maaaring malinaw na walang gaanong silbi ang isang tao subalit iniisip niya na may alam siyang gawin, at hindi sumusuko kahit kanino. May kinalaman ito sa problema sa kalikasan ng tao. Ganito ang lahat ng taong hindi nakakikilala sa mga sarili nila. Kaya ba ng mga ganitong tao na tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Bukod sa wala silang kakayahang tuparin nang maayos ang mga tungkulin nila, malamang din na mabibigo sila nang husto. May mga taong hindi kayang gumawa nang maayos sa anumang tungkulin, pero palagi pa rin nilang sinusubukang umako ng mas mataas na posisyon at utus-utusan ang mga tao. Walang naisasakatuparan ang mga ganitong tao—ni hindi nila kayang ipangaral ang ebanghelyo o magpatotoo sa iba at wala silang ni isang salita na maibabahagi tungkol sa katotohanan. Ang mga ganitong tao ay hubo’t hubad, naghihikahos at kalunos-lunos! Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang taglay ang pag-iisip ng pagiging iresponsable. “Kung may mamumuno, susunod ako; saan man sila pumunta, susunod ako. Gagawin ko ang anumang ipagagawa nila sa akin. Para naman sa pag-ako ng responsabilidad at alalahanin, o mas pag-aabala na gawin ang isang bagay, paggawa ng isang bagay nang buong puso at lakas ko—hindi ko kaya iyon.” Ang mga taong ito ay ayaw magbayad ng halaga. Handa lamang silang magpakapagod, hindi na umako ng responsabilidad. Hindi ito ang saloobin ng tunay na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang isang tao ay dapat na matutong isapuso ang paggampan sa kanyang tungkulin, at ang taong may konsensiya ay kayang isakatuparan ito. Kung ang isang tao ay hindi kailanman isinasapuso ang paggampan sa kanyang tungkulin, nangangahulugan iyon na wala siyang konsensiya, at ang mga walang konsensiya ay hindi makakamit ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing hindi nila makakamit ang katotohanan? Hindi nila alam kung paano manalangin sa Diyos at hanapin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ni kung paano magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ni kung paano isapuso ang pagninilay sa mga salita ng Diyos, ni hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan, ni paano hanaping maunawaan ang mga hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga pagnanais. Ito ang kahulugan ng hindi magawang hanapin ang katotohanan. Nararanasan ba ninyo ang mga kalagayan kung saan, ano man ang nangyayari sa inyo, o ano mang uri ng tungkulin ang inyong ginagampanan, madalas ninyong napatatahimik ang inyong sarili sa harap ng Diyos, at naisasapuso ang pagninilay-nilay sa Kanyang mga salita, at paghahanap sa katotohanan, at pag-iisip-isip kung paano ninyo magagampanan ang tungkuling iyon nang umaayon sa mga layunin ng Diyos, at kung anong mga katotohanan ang dapat ninyong taglayin para magampanan ang tungkuling iyon nang pasok sa pamantayan? Marami bang pagkakataon kung saan hinahanap ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan? (Hindi.) Ang pagsasapuso sa inyong tungkulin at ang magawang umako ng responsabilidad ay nangangailangan ng inyong pagtitiis ng paghihirap at pagbabayad ng halaga—hindi sapat ang pag-usapan lamang ang mga bagay na ito. Kung hindi mo isasapuso ang iyong tungkulin, sa halip ay palagi mong gustong magpakapagod, siguradong hindi magagawa nang maayos ang iyong tungkulin. Gagawin mo lang ito nang pabasta-basta at wala nang iba pa, at hindi mo malalaman kung nagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin o hindi. Kung isasapuso mo ito, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan; kung hindi, hindi mo ito mauunawaan. Kapag isinasapuso mo ang paggampan ng iyong tungkulin at paghahangad sa katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, matutuklasan ang sarili mong katiwalian at mga kakulangan, at maaarok ang iyong iba’t ibang kalagayan. Kapag ang pinagtutuunan mo lang ay ang pagpapakapagod, at hindi mo isinasapuso ang pagninilay-nilay sa iyong sarili, hindi mo matutuklasan ang tunay na mga kalagayan sa iyong puso at ang iba’t ibang reaksiyon at mga pagbubunyag ng katiwalian na mayroon ka sa iba’t ibang kapaligiran. Kung hindi mo alam kung ano ang mga kahihinatnan kapag hindi nalutas ang mga problema, kung gayon, ikaw ay nasa malaking alanganin. Samakatwid, hindi katanggap-tanggap na manampalataya sa Diyos sa naguguluhang paraan. Dapat kang mamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, sa lahat ng lugar; anuman ang mangyari sa iyo, dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, at habang ginagawa mo ito, dapat mo ring pagnilayan ang iyong sarili at alamin kung ano ang mga problema na mayroon sa iyong kalagayan, at agad na hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Sa gayon mo lamang magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin at maiiwasan ang pag-antala sa gawain ng iglesia. Ang pinakamahalaga, bukod sa magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, magkakaroon ka rin ng buhay pagpasok at malulutas mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Sa gayon ka lamang makapapasok sa katotohanang realidad. Kung ang madalas mong pagnilayan sa iyong puso ay hindi mga bagay na nauugnay sa iyong tungkulin o mga bagay na may kinalaman sa katotohanan, at sa halip ay nakatali ka sa mga panlabas na bagay, at namumuhay ka nang nahuhumaling sa mga bagay ng laman, mauunawaan mo ba ang katotohanan? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin at makapamumuhay sa harap ng Diyos? Tiyak na hindi. Ang ganoong tao ay hindi magkakamit ng kaligtasan.
Ang manampalataya sa Diyos ay ang tumahak sa tamang landas sa buhay, at kailangang hangarin ng isang tao ang katotohanan. Tungkol ito sa espiritu at buhay, at iba ito sa paghahangad ng mga walang pananampalataya sa kayamanan at kaluwalhatian, sa pagtatatag ng pangalan para sa kanilang sarili magpakailanman. Magkahiwalay ang mga landas na ito. Sa kanilang mga trabaho, iniisip ng mga walang pananampalataya kung paano sila maaaring gumawa ng mas kaunting gawain at kumita ng mas maraming pera, nag-iisip sila ng kung anu-anong panlalansi para kumita nang mas malaki. Buong araw nilang iniisip kung paano yumaman at palaguin ang kayamanan ng kanilang pamilya, at nakaiisip pa nga sila ng mga walang-pakundangang paraan para makamit ang kanilang mga layon. Ito ang landas ng kasamaan, ang landas ni Satanas, at ito ang landas na tinatahak ng mga walang pananampalataya. Ang landas na tinatahak ng mga mananampalataya sa Diyos ay yaong paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng buhay; ito ang landas ng pagsunod sa Diyos at pagtamo ng katotohanan. Paano ka dapat magsagawa para matamo ang katotohanan? Dapat masipag kang magbasa, magsagawa, at dumanas ng mga salita ng Diyos—mauunawaan mo lang ang katotohanan pagkatapos mong gawin ang mga ito. At kapag naunawaan mo na ang katotohanan, dapat mong isaalang-alang kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin upang magawa mo ang mga bagay-bagay nang naaayon sa mga prinsipyo, at kung paano ka makakapagpasakop sa Diyos. Hinihingi nito ang pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay hindi madaling bagay: Bukod sa dapat mong hanapin ang katotohanan, dapat mo ring pagnilayan at kilalanin kung mayroon kang mga maling ideya at kuru-kuro, at kung umiiral ang mga problema, dapat kang magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga ito. Kapag nauunawaan mo ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan, maisasagawa mo na ang katotohanan. At sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa katotohanan ka makakapasok sa katotohanang realidad at magiging isang taong nagpapasakop sa Diyos. Sa pagsasagawa at pagdanas sa ganitong paraan, mababago mo ang mga disposisyon mo at makakamit mo ang katotohanan nang hindi mo namamalayan. Ang mga walang pananampalataya ay palaging nagsusumikap para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Bilang resulta, tumatahak sila sa landas ng kasamaan, lalong nagiging bulok, at lalong nagiging tuso at mapanlinlang, at lalong nagiging mapagkalkula at mapagpakana; ang mga puso nila ay lalong nagiging masama, at sila ay lalong nagiging di-maarok at misteryoso—ito ang landas ng mga walang pananampalataya. Ang landas ng mga taong nananampalataya sa Diyos ay talagang kabaligtaran nito. Nais ng mga mananampalataya sa Diyos na humiwalay sa masamang mundong ito at sa masamang sangkatauhan; nais nilang hangarin ang katotohanan at dalisayin ang kanilang katiwalian. Ang puso nila ay matatag at panatag lamang kapag isinasabuhay nila ang wangis ng tao; gusto nilang makilala ang Diyos, matakot sa Diyos, at umiwas sa kasamaan, at kamtin ang Kanyang pagsang-ayon at pagpapala. Ito ang hinahangad ng mga nananampalataya sa Diyos. Kung maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, tunay na nauunawaan ang katotohanan, at nagbago na, mas lalong mararamdaman ng iba na ikaw ay matapat habang mas nakikisalamuha sila sa iyo—matapat sa iyong pananalita at matapat sa paggampan ng iyong tungkulin—isang taong ganap na bukas, na walang itinatago, at nagsasalita at kumikilos nang hayagan. Sa pamamagitan ng mga bagay na sinasabi mo, sa mga pananaw na ipinapahayag mo, sa mga bagay na ginagawa mo, sa tungkuling ginagampanan mo, at sa pamamagitan ng iyong matapat na saloobin sa pakikipag-usap sa iba, nakikita ng mga tao ang iyong puso, at nakikita nila kung paano ka umaasal, kung ano ang mga kagustuhan mo, at kung ano ang mga layong hinahangad mo. Malinaw nilang nakikita na ikaw ay isang mabuti at matapat na tao, at na tumatahak ka sa tamang landas. Ipinapakita nito na nagbago ka na. Kung matagal ka nang nananampalataya sa Diyos at gumagampan ng tungkulin, pero palaging nararamdaman ng mga taong nakakasalamuha mo na hindi ka bukas sa mga sinasabi mo, na hindi malinaw ang mga pananaw mo, at hindi nila malinaw na nakikita ang puso mo sa iyong mga kilos, kung palagi nilang nararamdaman na may mga bagay kang itinatago sa kaibuturan ng puso mo, ipinapakita nito na ikaw ay malihim na tao na marunong magtago, magpanggap at magbalatkayo. Kung, kahit pagkatapos ng ilang taong pakikipag-ugnayan sa iyo, hindi pa rin ganap na maarok ng iba ang puso mo, at ang nakikita lamang nila ay ang temperamento at personalidad mo sa halip na ang disposisyon o diwa mo, ipinapakita nito na namumuhay ka pa rin ayon sa sataniko mong disposisyon. Kung mas tuso ka, mas ipinapakita nito na hindi ka mabuting tao, na wala kang pagkatao, at na ikaw ay sa mga diyablo at kay Satanas. Kung wala kang nakakamit na anumang katotohanan at hindi nadadalisay ang iyong mga tiwaling disposisyon kahit ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos, kung gayon, magiging napakahirap para sa taong katulad mo na makamit ang kaligtasan. At kung, sa kabila ng abilidad mong magpaligoy-ligoy, ng kahusayan mo sa pananalita, ng katalinuhan mo, ng iyong mabilis na pagtugon, at kung gaano ka kahusay sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay, palaging hindi mapapalagay ang mga nakikisalamuha sa iyo, at nararamdaman nila na hindi ka maaasahan, hindi ka mapagkakatiwalaan, at hindi maarok, kung gayon ay nasa alanganin ka. Ipinapahiwatig nito na hindi ka talaga nagbago habang nananampalataya ka sa Diyos, at na hindi ka tunay na nananampalataya sa Kanya. Nakaranas na ba kayo ng anumang tunay na pagbabago sa inyong pananampalataya sa Diyos hanggang ngayon? Nakikisalamuha ba kayo sa iba nang may saloobin ng pagiging matapat? Nararamdaman ba ng iba na sinsero ka? (Pagdating sa mga bagay na direkta akong nakikinabang, kaya kong magsinungaling at manlinlang; pero kapag hindi ako direktang nakikinabang sa mga ito, nakakapagsabi ako ng totoo at kaya kong buksan nang kaunti ang puso ko.) (Mapili ako sa mga bagay na sinasabi ko—may mga bagay na bukas kong sinasabi, pero ang mga bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ko ay nananatiling nakatago. Kapag nakikisalamuha ako sa iba, may tendensiya pa rin akong magbalatkayo at magpanggap.) Ito ay isang sitwasyon ng pamumuhay sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan at hindi nilulutas ang kanyang tiwaling disposisyon, paano siya magbabago? Lahat kayo ay mga taong gumagampan ng mga tungkulin. Kahit papaano, dapat mayroon kayong matapat na puso at dapat pahintulutan mo ang Diyos na makita na sinsero ka—saka mo lang makakamit ang kaliwanagan, pagtanglaw, at paggabay ng Diyos. Ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ang pinakamahalaga para sa iyo. Anuman ang mga hadlang na nariyan sa pagitan mo at ng ibang tao, kung gaano mo pinapahalagahan ang sarili mong banidad at pride, at kung ano ang mga intensiyong mayroon ka na hindi mo maipagtapat sa isang dalisay at simpleng paraan, ang lahat ng ito ay dapat unti-unting magbago. Ang lahat ay dapat makaahon nang hakbang-hakbang mula sa mga tiwaling disposisyon at mga paghihirap na ito, at dapat nilang malampasan ang mga hadlang na dulot ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Bago mo malampasan ang mga hadlang na ito, talaga bang mayroon kang matapat na puso sa Diyos? Nagtatago at nagkukubli ka ba ng mga bagay-bagay sa Kanya, o sinusubukan mo bang magbalatkayo mula sa Kanya at linlangin Siya? Dapat maging malinaw ito sa iyo sa puso mo. Kung may mga ganitong bagay sa puso mo, dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Huwag magkaroon ng mapagbakasakaling mentalidad sa mga bagay-bagay, at sabihin, “Ayaw kong igugol ang buong buhay ko para sa Diyos. Kailangan ko pang magsimula ng pamilya at mamuhay nang sarili kong buhay. Sana ay hindi ako siyasatin at kondenahin ng Diyos.” Kung itatago mo ang lahat ng bagay na ito mula sa Diyos—ibig sabihin, itinatago mo sa Diyos ang mga intensiyon, mithiin, plano, at balangkas sa buhay na nasa kaibuturan ng puso mo, ang mga pananaw mo sa maraming bagay, at ang mga pananaw mo tungkol sa pananampalataya sa Diyos—kung gayon ay nasa malaking panganib ka. Kung itinatago mo ang mga walang kuwentang bagay na ito at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ipinapakita nito na hindi mo mahal ang katotohanan, at na mahirap para sa iyo na tanggapin at kamtin ang katotohanan. Maaari mong itago ang mga bagay-bagay sa ibang tao, pero hindi mo maaaring itago ang mga ito sa Diyos. Kung hindi mo man lang magawang manalig sa Diyos, bakit ka nananampalataya sa Kanya? Kung mayroon kang ilang sikreto, at labis kang natatakot na bababa ang tingin ng mga tao sa iyo kung ibabahagi mo ang mga ito, walang lakas ng loob na magsalita, kung gayon, maaari kang magbukas sa Diyos sa isang dalisay at simpleng paraan. Dapat kang manalangin sa Diyos—ipagtapat sa Diyos ang mga ubod ng samang intensiyon na kinikimkim mo sa iyong pananampalataya sa Kanya, ang mga bagay na nagawa mo alang-alang sa iyong hinaharap at tadhana, at ang mga paraan ng pagsusumikap mo para sa kasikatan at pakinabang, at magbukas sa Kanya tungkol sa mga bagay na ito; huwag mong itago ang mga ito sa Kanya. Gaano man karaming tao ang pinagsarhan mo ng iyong puso, huwag mong isara ang puso mo sa Diyos—dapat mong buksan ang puso mo sa Kanya. Iyan ang pinakamababang antas ng sinseridad na dapat taglayin ng mga taong nananampalataya sa Kanya. Kung bukas ang puso mo sa Diyos at hindi sarado sa Kanya, at kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat Niya, paano ka Niya titingnan? Kahit na hindi ka magbukas sa iba, kung kaya mong magbukas sa Diyos, makikita ka Niya bilang isang matapat na tao at na may matapat kang puso. Ang iyong matapat na puso ay bukas sa Kanyang pagsisiyasat, at sa Kanyang mga mata, ito ay napakahalaga—kung gayon, tiyak na may gagawing gawain ang Diyos sa iyo. Halimbawa, kung may nagawa kang mapanlinlang na bagay sa Diyos, didisiplinahin ka Niya. Pagkatapos, dapat mong tanggapin ang Kanyang pagdidisiplina at agad na magsisi at magtapat sa harap Niya. Aminin ang iyong mga kamalian, aminin ang iyong paghihimagsik at katiwalian, tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at alamin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Magsagawa ayon sa mga salita Niya, at taos-pusong magsisi. Ito ang magiging patunay ng iyong sinserong pananampalataya sa Diyos, at ng iyong taos-pusong pananalig sa Kanya.
Para isagawa ang pagiging matapat na tao, kailangan mo munang matutunang buksan ang puso mo sa Diyos at magsabi ng mga taos-pusong salita sa Kanya sa panalangin araw-araw. Halimbawa, nagsinungaling ka ngayon at walang nakapansin, pero wala kang lakas ng loob na ipagtapat ito sa lahat—kahit papaano, dapat mong agad na dalhin sa harap ng Diyos ang mga kamalian, kasinungalingan, at kabulaanang nasuri at natuklasan mo para mapagnilayan, at sabihin mo: “O Diyos, muli akong nagsinungaling para protektahan ang sarili kong mga interes. Mali ito. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung muli akong magsinungaling.” Tinatanggap ng Diyos ang ganitong saloobin at tatandaan Niya ito. Maaaring mangailangan ng matinding pagsisikap para malutas mo ang mapanlinlang na tiwaling disposisyong ito na pagsasabi ng mga kasinungalingan, pero huwag kang mag-alala. Dahil kasama mo ang Diyos, gagabayan ka Niya at tutulungan kang malampasan ang sunod-sunod na mga hadlang, binibigyan ka ng lakas ng loob na magbago mula sa hindi pag-amin sa iyong mga kasinungalingan tungo sa pag-amin sa iyong mga kasinungalingan at pagkakaroon ng kakayahan na magbukas at ilantad ang iyong sarili, hindi lamang inaamin ang iyong mga kasinungalingan, kundi nagagawa ring magbukas at ilantad ang mga dahilan kung bakit ka nagsisinungaling, at kung ano ang iyong mga intensiyon at layon sa pagsisinungaling. Kapag mayroon kang lakas ng loob na lampasan ang hadlang na ito, kumawala sa kulungan na pinaglagyan sa iyo ni Satanas at sa kontrol nito sa iyo, at hakbang-hakbang na umabot sa punto kung saan hindi ka na nagsisinungaling, unti-unti ka nang mamumuhay sa liwanag, nang may paggabay at pagpapala ng Diyos. Kapag nalampasan mo ang hadlang ng mga paglilimita ng laman, at hindi ka na nagagapos ng mga damdamin, pride, katayuan, o mga personal na interes, at kaya mong magpasakop sa katotohanan, magbukas, maglantad ng iyong sarili, gumawa ng hayagang pag-amin, at maging malaya sa mga pag-aalinlangan, ikaw ay makakahulagpos at magiging malaya. Kapag namumuhay ka sa ganitong paraan, hindi ka lamang magugustuhan ng mga tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Bagama’t nakakagawa ka pa rin ng mga kamalian o lumalabag sa mga prinsipyo paminsan-minsan, paminsan-minsan ay nakakapagsabi pa rin ng mga kasinungalingan o nagpapanggap, at paminsan-minsan ay nagsasalita at kumikilos nang may mga personal na intensiyon, mga makasariling pagnanais, o mga makasarili at kasuklam-suklam na kaisipan at pag-uugali, magagawa mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, ilantad ang iyong mga intensiyon, aktuwal na kalagayan, at mga tiwaling disposisyon sa harap Niya, at hanapin ang katotohanan mula sa Kanya. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag tama ang landas mo ng pagsasagawa, at kumikilos ka sa tamang direksiyon, magiging maganda at maliwanag ang kinabukasan mo. Sa ganitong paraan, mamumuhay ka nang may kapayapaan sa puso mo, madidiligan ang espiritu mo, at makakaramdam ka ng kasiyahan at makararanas ka ng kaligayahan. Kung hindi ka makalaya sa mga limitasyon ng laman, kung palagi kang nalilimitahan ng mga damdamin, mga pansariling interes, at mga pilosopiya ni Satanas, palaging nagsasalita at kumikilos sa malihim na paraan, at palagi kang nagtatago sa mga anino, kung gayon namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayumpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, nagagawang makalaya sa mga limitasyon ng laman, at nagsasagawa ka ng katotohanan, unti-unti kang magtataglay ng wangis ng tao. Magiging bukas at deretsahan ka sa mga salita at gawa mo, at magagawa mong ilantad ang iyong mga opinyon, ideya, at ang mga kamaliang nagawa mo, tinutulutan ang lahat ng tao na makita nang malinaw ang mga ito. Sa huli, makikilala ka ng mga tao bilang isang taong walang itinatago. Ano ang isang taong walang itinatago? Ito ay isang taong nagsasalita nang may lubos na pagkamatapat, pinaniniwalaan ng lahat ng tao na ang mga salita niya ay totoo. Kahit na di-sinasadyang nagsisinungaling o nagsasabi siya ng maling bagay, kaya siyang patawarin ng mga tao, dahil alam nilang hindi ito sinasadya. Kung napagtatanto niya na nagsinungaling siya o nakapagsabi ng mali, humihingi siya ng tawad at itinatama niya ang kanyang sarili. Ito ay isang taong walang itinatago. Ang ganitong tao ay nagugustuhan at pinagkakatiwalaan ng lahat. Kailangan mong umabot sa antas na ito para makamit ang tiwala ng Diyos at tiwala ng iba. Hindi ito simpleng gampanin—ito ang pinakamataas na antas ng dignidad na maaaring taglayin ng isang tao. Ang ganitong tao ay may respeto sa sarili. Kung hindi mo makamit ang tiwala ng ibang tao, paano ka aasang makukuha mo ang tiwala ng Diyos? May mga indibidwal na namumuhay nang hindi marangal, palaging nagsasabi ng mga kasinungalingan at ginagawa ang mga bagay nang pabasta-basta at nang walang ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad. Hindi nila tinatanggap ang mapungusan, lagi silang gumagamit ng mga nakalilinlang na katwiran. Nakakaramdam ng pagkasuklam sa kanila ang sinumang nakakasalamuha nila; namumuhay sila nang lubhang walang-kahihiyan. Matatawag bang tao ang gayong mga tao? Ganap nang nawala ang pagkatao ng mga taong pumupukaw sa pagkasuklam ng iba at itinuturing na hindi maaasahan. Kung hindi sila mapagkatiwalaan ng iba, mapagkakatiwalaan ba sila ng Diyos? Kung hindi sila gusto ng ibang tao, magugustuhan ba sila ng Diyos? Hindi gusto ng Diyos ang mga ganitong tao, at tutol ang Diyos sa kanila; tiyak na matitiwalag sila. Sa pag-asal, dapat kang maging matapat at tumupad sa mga pangako mo. Gumagawa ka man ng isang bagay para sa iba o para sa Diyos, dapat mong tuparin ang sinabi mo, nagagawang makuha ang tiwala ng mga tao at mapalugod at mapanatag ang Diyos. Dahil dito ay magiging medyo matapat na tao ka. Kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa mga kilos mo, hindi ka lang magugustuhan ng iba, kundi tiyak na magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa pagiging matapat na indibidwal, magugustuhan ka ng Diyos at makapamumuhay ka nang may dignidad. Samakatwid, ang pagiging matapat na tao ay dapat na maging panimulang punto ng sariling asal ng isang tao.
Ano ang pinakamahalagang pagsasagawa para sa pagiging isang matapat na tao? Dapat mong buksan ang puso mo sa Diyos. Pero ano ang ibig sabihin ng pagbubukas? Ang ibig sabihin nito ay na dapat mong sabihin sa Diyos kung ano ang iniisip mo, kung ano ang mga intensiyon mo, at kung ano ang kumokontrol sa iyo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan mula sa Kanya. Anuman ang sinasabi mo, ang totoo ay nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay nang may lubos na kalinawan. Kung kaya mong kausapin ang Diyos nang mula sa puso, magtapat sa Kanya at malinaw na ipahayag sa Kanya maging ang tungkol sa mga bagay-bagay na itinatago mo sa iba, nang walang itinatagong anumang bagay, at ipahayag ang mga kaisipan mo kung ano ang mga ito, nang walang anumang intensiyon, kung gayon ito ay pagbubukas. Kung minsan ay nasasaktan o napapasama mo ang loob ng iba sa pamamagitan ng pagsasalita nang tapat, masasabi ba ng sinuman na, “Masyado kang matapat magsalita, masyado itong nakakasakit—hindi ko matanggap ang pagkamatapat mo”? Hindi, hindi nila iyon sasabihin. Kahit na paminsan-minsan kang makakapagsabi ng isang bagay na nakakasakit sa iba, kung magagawa mong magtapat at humingi ng tawad sa kanila, inaamin na walang karunungan ang mga salita mo at na wala kang simpatiya sa mga kahinaan nila, at makikita nila na wala kang masamang intensiyon, na isa kang matapat na tao na nakikipag-usap lang sa isang prangka at direktang paraan, hindi nila ito isusumbat sa iyo, at sa mga puso nila, magugustuhan ka nila. Kapag nagkagayon, hindi ba’t mawawalan na ng mga hadlang sa pagitan ninyo? Kung walang mga hadlang, hindi lilitaw ang mga alitan, at mabilis na malulutas ang problema, at ang pamumuhay sa ganitong paraan ay napakagaan at napakalaya. Ito ang kahulugan ng “tanging sa pagiging matapat na tao ka magiging masaya.” Ang pinakamahalagang parte ng pagiging matapat na tao ay na dapat mo munang buksan ang puso mo sa Diyos at matutong magbukas sa iba. Magsalita ka nang matapat, sinsero, at mula sa puso. Maging isang taong may dignidad, integridad, at karakter; huwag magsalita ng walang kabuluhang retorika o ng mga kasinungalingan, at huwag magsalita nang mapagbalat-kayo o mapanlinlang. Dagdag pa rito, may isa pang aspekto ng pagsasagawa sa pagiging isang matapat na tao, iyon ay na dapat kang magkaroon ng matapat na saloobin sa paggawa ng tungkulin mo, at gawin mo ito nang may matapat na puso. Kahit papaano, dapat kang kumilos batay sa iyong konsensiya; dapat mong pagsumikapan ang mga katotohanang prinsipyo, at pagsumikapan ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi maaaring magsabi ka lang ng isang bagay at iyon na iyon, at ang simpleng pagkakaroon ng isang partikular na saloobin ay hindi nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan. Nasaan ang realidad ng pagiging matapat na tao sa ganyan? Sadyang hindi puwede ang hindi pagkakaroon ng realidad at pagbibigkas lang ng mga islogan. Sinisiyasat ng Diyos ang mga tao, inoobserbahan Niya hindi lamang ang puso nila, kundi pati na ang kanilang mga pag-uugali, mga pagpapamalas, at mga pagsasagawa. Kung sinasabi mo na ikaw ay magiging isang matapat na tao pero kapag may nangyayari, nagagawa mo pa ring magsinungaling at manlinlang, ito ba ang pagpapamalas ng isang matapat na tao? Hindi; ito ay pagsasabi ng isang bagay pero iba ang iniisip. Nagsasabi ka ng isang bagay pero iba ang aktuwal na ginagawa mo, palagi kang nagsasalita nang hindi sinsero para lokohin ang iba at nagbabanal-banalan ka. Tulad ka lang ng mga Pariseo, na kayang bumigkas ng mga Kasulatan nang walang anumang pagkakamali habang ipinapaliwanag ang mga ito sa mga tao, pero hindi sila nagsagawa ayon sa mga Kasulatan nang may nangyari—palagi silang nagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, at sadyang ayaw nilang talikuran ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang mga Pariseo ay mga mapagpaimbabaw sa ganitong paraan. Hindi tama ang landas na tinahak nila, hindi ito ang tamang landas, at kinasusuklaman ng Diyos ang ganoong uri ng tao. Mapagkakatiwalaan ba ng ibang tao ang mga ganitong indibidwal? (Hindi.) Alam ba ninyo kung gaano kataas ang antas ng tiwala ng Diyos sa inyo ngayon? Nakamit na ba ninyo ang tiwala ng Diyos? (Hindi.) Nakamit na ba ninyo ang tiwala ng ibang tao? (Hindi.) Namumuhay ba kayo nang may dignidad kung hindi pa ninyo nakakamit ang tiwala ng Diyos at ng ibang tao? (Hindi.) Napakakahabag-habag na pamumuhay! Ang pinakamalalim na pighati ng isang tao ay ang mamuhay nang walang dignidad at walang kakayahang makamit ang tiwala ng iba at ng Diyos. Kung may taong magtatanong sa iyo na, “Ano ang tingin ng iba tungkol sa iyo? Mapagkakatiwalaan ka ba nila? Kung pagkakatiwalaan ka nila ng isang gampanin, naniniwala ba sila na mahusay mong magagawa ito?” maaaring maramdaman mo na walang sinumang may ganoong tibay ng tiwala sa iyo. Kung naniniwala ka na may taglay kang taimtim na puso, pero hindi ka pa rin pinagkakatiwalaan ng mga tao, ipinapakita nito na kulang at hindi pa rin dalisay ang iyong sinseridad. Mabubuo ba ang tiwala kung hindi nakikita ng iba ang iyong sinseridad? Hindi sapat ang paniniwala lang sa sarili mong sinseridad; dapat mong isagawa at ipakita ang sinseridad mo para masaksihan ng ibang tao. Kung walang sinumang nagtitiwala sa iyo, kung gayon, tiyak na hindi ka isang matapat na tao. Kung isasaalang-alang na nakikita ng iba na hindi ka matapat, at sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao nang isang daan o isang libong beses na mas malinaw kaysa sa sinumang tao—magagawa ka pa bang pagkatiwalaan ng Diyos? Kung sa tingin mo ay naaagrabyado ka ng Diyos dahil wala Siyang tiwala sa iyo, dapat mong pagnilayan ang sarili mo at suriin kung gaano katibay at kalalim ang iyong sinseridad. Pagnilayan mo ito: “Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao at alam Niya dapat kung ano ang iniisip ko. Kung bibigyan ko ng grado ang sarili ko base sa mga pag-uugali ko, hindi ko bibigyan ang sarili ko ng mataas na grado. Normal lang na hindi magtiwala sa akin ang Diyos.” Kung hindi mo nakamit ang tiwala ng Diyos o ng iba, ano ang dapat na paraan ng iyong pagkilos? Dapat kang pumasok sa katotohanan ng pagiging matapat na tao, anuman ang mga hamong idudulot nito. Kung hindi mo ito magagawa, hindi mo makakamit ang kaligtasan.
Hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, at lubhang mahalaga ito. Ano ang dapat mong gawin kung makakaranas ka ng maraming kabiguan habang isinasagawa mo ang pagiging matapat na tao at nahihirapan ka nang husto rito? Dapat ka bang maging negatibo at umatras, at talikuran ang iyong pagsasagawa ng katotohanan? Ito ang pinakamapagbunyag na indikasyon kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Pagkatapos magsagawa ng pagiging matapat na tao sa loob ng ilang panahon, iniisip ng ilang indibidwal, “Ang pagiging matapat na tao ay masyadong mahirap. Pinipinsala nito ang aking banidad, pride, at reputasyon—talagang hindi ko ito matiis!” Bilang resulta, ayaw na nilang maging matapat. Sa realidad, naririto ang suliranin sa pagiging matapat na tao, at karamihan ng indibidwal ay nabibigo at naiipit sa puntong ito. Kaya, ano ang kailangan para maisagawa ang pagiging matapat na tao? Anong uri ng tao ang kayang isagawa ang katotohanan? Una, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan. Siya ay dapat na maging isang taong nagmamahal sa katotohanan—iyan ay tiyak. May ilang taong tunay na nagtatamo ng mga resulta pagkatapos ng ilang taon ng pagsasagawa ng pagiging matapat na tao. Unti-unti nawawala ang kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang, at talagang sila ay nagiging matatapat na tao sa pangkalahatan. Maaari kaya na habang dumaranas sila ng pagsasagawa ng pagiging matapat na tao, hindi sila naharap sa mga paghihirap o nagdusa sa proseso? Tiyak na tiniis nila ang labis na pagdurusa. Pero dahil mahal nila ang katotohanan, nagagawa nilang magdusa para isagawa ito, nagagawang maghimagsik laban sa laman at magpatuloy sa pagsasabi ng totoo at paggawa ng mga totoong bagay, kayang maging matatapat na tao, at sa huli ay nakamit ang pagpapala ng Diyos. Para maging isang matapat na tao, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan at magtaglay siya ng pusong nagpapasakop sa Diyos. Ang dalawang bagay na ito ay napakahalaga. Ang lahat ng taong nagmamahal sa katotohanan ay may mapagmahal-sa-Diyos na puso. At lalong madali para sa mga taong nagmamahal sa Diyos na isagawa ang katotohanan, at kaya nilang tiisin ang anumang uri ng pagdurusa para mapalugod ang Diyos. Kung may mapagmahal-sa-Diyos na puso ang isang tao, kapag ang kanyang pagsasagawa ng katotohanan ay naharap sa kahihiyan o mga dagok at pagkabigo, makakaya niyang tiisin ang kahihiyan at pagdurusa para mapalugod ang Diyos, basta’t nasisiyahan ang Diyos. Samakatwid, may kakayahan siyang isagawa ang katotohanan. Siyempre, ang pagsasagawa ng anumang aspekto ng katotohanan ay may kasamang partikular na antas ng hirap, partikular na sa pagiging isang matapat na tao, na lalong mas mahirap. Ang pinakamalaking suliranin ay ang hadlang ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Halimbawa, ang mga kasabihang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” o “Na hindi magagawang kamtin ang malalaking tagumpay nang hindi nagsasabi ng mga kasinungalingan.” Ang mga ito ay mga pilosopiya ni Satanas at mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Kailangang magsinungaling ang mga tao para matagumpay na magawa ang mga bagay-bagay, magkamit ng mga pansariling pakinabang, at maisakatuparan ang mga layon nila. Hindi talaga madaling maging matapat na tao kapag taglay ng isang tao ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Dapat manalangin ang isang tao sa Diyos at umasa sa Kanya, at laging pagnilayan ang sarili, at kilalanin ang sarili, saka lang unti-unting makakapaghimagsik ang isang tao laban sa laman, makabibitiw sa mga pansariling interes, at makabibitiw sa kanyang banidad at pride. Higit pa rito, dapat magawang tiisin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng paninirang-puri at panghuhusga bago siya maging isang matapat na tao, magsabi ng totoo, at umiwas sa pagsisinungaling. Sa loob ng panahon kung saan isinasagawa mo ang pagiging matapat na tao, hindi maiiwasan na mabibigo ka nang maraming beses, at na may mga pagkakataon na magbubunyag ka ng katiwalian, mga pagkakataon na hindi mo sasabihin kung ano talaga ang iniisip mo, o mga pagkakataon na magkukunwari at manlilinlang ka. Gayunman, ano pa man ang mangyari sa iyo, kung nais mong sabihin ang totoo at maging isang matapat na tao, dapat ay kaya mong bitiwan ang iyong pride at banidad. Kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, sabihin mong hindi mo nauunawaan; kapag hindi malinaw sa iyo ang isang bagay, sabihin mong hindi ito malinaw. Huwag kang matakot na hamakin ka ng iba o na maliitin ka ng iba. Sa pamamagitan ng palagiang pagsasalita mula sa puso at pagsasalita nang matapat sa ganitong paraan, matatagpuan mo ang kagalakan, kapayapaan, at ang pakiramdam ng paglaya at liberasyon sa puso mo, at hindi ka na malilimitahan ng banidad at pride. Kanino ka man nakikipag-ugnayan, kung kaya mong magbukas sa isang paraang totoo tungkol sa kung ano talaga ang iniisip mo at ibahagi ang puso mo sa iba, at huwag na huwag magpanggap na alam mo ang mga bagay na hindi mo naman alam, iyan ay isang matapat na saloobin. Minsan, maaaring hamakin ka ng mga tao at tawagin kang hangal dahil palagi mong sinasabi ang totoo. Ano ang dapat mong gawin sa gayong sitwasyon? Dapat mong sabihin, “Kahit na tawagin akong hangal ng lahat, pipiliin ko pa ring maging isang matapat na tao, at hindi isang mapanlinlang na tao. Magsasalita ako nang tapat at alinsunod sa mga katunayan. Bagama’t ako ay marumi, tiwali, at walang halaga sa harapan ng Diyos, sasabihin ko pa rin ang totoo nang walang pagkukunwari o pagbabalatkayo.” Kung magsasalita ka sa ganitong paraan, magiging panatag at payapa ang puso mo. Upang maging isang matapat na tao, dapat mong bitiwan ang iyong banidad at pride, at upang masabi mo ang totoo at magsalita ka nang mula sa puso, hindi mo dapat katakutan ang matuya at mahamak ng iba. Kahit na ituring ka ng iba bilang isang hangal, hindi ka dapat makipagtalo o hindi mo dapat ipagtanggol ang sarili mo. Kung maisasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay magiging isang matapat na tao. Kung hindi mo kayang bitiwan ang mga kagustuhan ng laman, banidad, at pride, kung lagi mong hinahanap ang pagsang-ayon ng iba, nagkukunwaring alam mo ang hindi mo alam, at palaging namumuhay alang-alang sa banidad at pride, kung gayon, hindi ka magiging matapat na tao—ito ay totoong suliranin. Kung ang puso mo ay palaging nalilimitahan ng banidad at pride, malamang magsisinungaling ka at magpapanggap. Dagdag pa rito, kapag minaliit ka ng iba o inilantad ang totoo tungkol sa iyo, mahihirapan kang tanggapin ito, at mararamdaman mo na nagdusa ka ng malaking kahihiyan—mamumula ang mukha mo, bibilis ang tibok ng puso mo, at mababalisa ka at hindi mapapakali. Para malutas ang problemang ito, kakailanganin mong magtiis ng kaunti pang pasakit at dumaan sa ilan pang pagpipino. Kakailanganin mong maunawaan kung saan nakasalalay ang ugat ng problema, at sa sandaling maunawaan mo nang malinaw ang mga usaping ito, magagawa mong bawasan nang kaunti ang pasakit mo. Kapag lubos mong naunawaan ang mga tiwaling disposisyong ito at kaya mong talikuran ang banidad at pride mo, magiging mas madali para sa iyo na maging isang matapat na tao. Hindi mo na iindahin kung kukutyain ka ng ibang tao kapag nagsasabi ka ng totoo at nagpapahayag ng iyong saloobin, at paano ka man husgahan o tratuhin ng iba, makakaya mong pasanin ito at tumugon nang tama. Pagkatapos, magiging malaya ka sa pagdurusa, at palaging magiging panatag at masaya ang puso mo, at makakamit mo ang kalayaan at liberasyon. Sa paraang ito, maiwawaksi mo ang katiwalian at maisasabuhay mo ang wangis ng tao.
Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ang mga tao ay madalas na nagsasabi ng mga walang saysay na bagay, mga kasinungalingan, at mga bagay na mangmang, hangal, at depensibo. Sinasabi nila ang karamihan sa mga bagay na ito dahil sa banidad at pride, upang bigyang-kasiyahan ang mga sarili nilang ego. Ang pagsasabi ng gayong mga kasinungalingan ay isang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling elementong ito, madadalisay ang puso mo, at unti-unti kang magiging mas dalisay at matapat. Ang totoo, alam ng lahat ng tao kung bakit sila nagsisinungaling. Lahat ng ito ay alang-alang sa pansariling pakinabang, para sa banidad at pride, at para sa reputasyon at katayuan, na sinusubukan nilang makipagkompetensiya sa iba at magpanggap. Gayunman, sa huli, ang mga kasinungalingan nila ay ibinubunyag at inilalantad ng iba, at napapahiya sila, at nasisira din ang dignidad at integridad nila. Ang lahat ng ito ay dulot ng sobra-sobrang kasinungalingan. Masyadong marami ang mga kasinungalingan mo. Ang bawat salitang sinasabi mo ay may halo na at huwad, at ni isa ay hindi maituturing na totoo o matapat. Kahit na nararamdaman mong naiwasan mong mapahiya kapag nagsisinungaling ka, sa kaibuturan, nakakaramdam ka ng kahihiyan. Inuusig ka ng konsensiya mo, at sa loob-loob, nakakaramdam ka ng paghamak at pangmamata sa sarili mo, iniisip na, “Bakit nabubuhay ako nang kahabag-habag? Ganoon ba kahirap ang magsalita ng katotohanan? Kailangan bang magsinungaling ako para sa pride ko? Bakit sobrang nakakapagod ang buhay ko?” Hindi mo kailangang mamuhay nang ganoong sobrang nakakapagod na buhay. Kung makakapagsagawa ka bilang isang matapat na tao, magagawa mong mamuhay nang magaan, malaya, at maalwan. Gayunman, pinili mo ang landas na panatilihin ang iyong pride at banidad sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Bunga nito, namumuhay ka ng isang sobrang nakakapagod at miserableng pag-iral. Lahat ng ito ay ikaw mismo ang may gawa. Maaaring mapanatili ng isang tao ang kanyang pride sa pamamagitan ng pagsisinungaling, ngunit ano ang pride na iyon? Ito ay isang bagay lang na walang kabuluhan, at ganap na walang halaga. Ang pagsisinungaling ay nangangahulugang pagkakanulo ng integridad at dignidad ng isang tao. Ginagawa nitong mawalan ng dignidad at integridad ang isang tao. Hindi ito nakalulugod at kasuklam-suklam ito para sa Diyos. Sulit ba ito? Hindi. Ito ba ang tamang landas? (Hindi.) Ang mga taong madalas na nagsisinungaling ay namumuhay alinsunod sa mga satanikong disposisyon nila; namumuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Hindi sila namumuhay sa liwanag, ni hindi rin sila namumuhay sa presensya ng Diyos. Palagi mong iniisip kung paano magsisinungaling at pagkatapos mong magsinungaling, kailangan mong mag-isip kung paano pagtatakpan ang kasinungalingang iyon. At kapag hindi mo napagtakpan nang sapat na maayos ang kasinungalingan, malalantad ito, at kakailanganin mong pigain ang iyong utak para mag-imbento pa ng mga kasinungalingan para ayusin ito. Hindi ba’t nakakapagod ang mabuhay nang ganito? Sobrang nakakapagod ang lahat ng ito. At sulit ba ito? Hindi, talagang hindi ito sulit. Ang pagpiga sa utak upang magsabi ng mga kasinungalingan at pagkatapos ay pagtakpan ang mga ito, lahat para sa kapakanan ng pride, banidad, at katayuan—anong kabuluhan nito? Sa wakas, nagninilay-nilay ka at iniisip mo, “Ano ang punto? Masyadong nakakapagod ang pagsisinungaling at ang pangangailangang pagtakpan ang mga ito. Hindi uubra na kumikilos ako sa ganitong paraan; mas magiging madali kung magiging matapat na tao na lang ako.” Gusto mong maging isang matapat na tao, ngunit hindi mo mabitiwan ang pride, banidad, at mga personal na interes mo. Maaari ka lang magsinungaling, gumamit ng mga kabulaanan para mapanatili ang mga bagay na ito. Kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa mong tiisin ang iba’t ibang uri ng pagdurusa upang maisagawa ang katotohanan. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay mawala ang iyong reputasyon at katayuan, at magtiis ng pamamahiya at pangungutya ng iba, hindi mo ito iindahin, at iisipin mo na basta’t nagagawa mong isagawa ang katotohanan at palugurin ang Diyos, sapat na ito. Pinipili ng mga nagmamahal sa katotohanan na isagawa ang katotohanan at maging matatapat na tao. Ito ang tamang landas at ito ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, ano ang pinipili niya? Pinipili niyang gumamit ng mga kasinungalingan para mapanatili ang kanyang reputasyon, katayuan, dignidad, at ang isang balatkayo ng integridad. Mas pipiliin niyang maging mapanlinlang na tao, at kasuklaman at itakwil ng Diyos kaysa isagawa ang katotohanan. Ang gayong mga tao ay iyong mga tutol sa katotohanan at nagtatakwil sa Diyos. Pinipili niya ang sarili niyang reputasyon at katayuan; nais niyang maging mapanlinlang na tao. Wala siyang pakialam kung nalulugod ang Diyos o hindi o kung ililigtas siya ng Diyos. Maliligtas pa rin ba ng Diyos ang gayong tao? Tiyak na hindi, dahil pinili niya ang maling landas. Makapamumuhay lang siya sa pamamagitan ng pagsisinungaling at panlilinlang; kaya lamang niyang palipasin ang masasakit na araw ng pagsisinungaling at pagtatakip sa mga ito at pagpipiga sa kanyang utak upang pangatwiranan ang sarili niya araw-araw. Kung iniisip mong mapapanatili ng mga kasinungalingan ang reputasyon, katayuan, banidad, at pride na ninanais mo, lubos kang nagkakamali. Ang totoo, sa pamamagitan ng pagsisinungaling, hindi ka lang bigong mapanatili ang banidad at pride mo, at ang iyong dignidad at panlabas na anyo ng integridad, pero ang mas malala pa ay napapalagpas mo ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao. Kahit na magawa mong panatilihin ang iyong reputasyon, katayuan, banidad, at pride sa sandaling iyon, naiwaksi mo ang katotohanan at naipagkanulo ang Diyos. Ibig sabihin nito ay ganap nang nawala sa iyo ang pagkakataon na mailigtas at maperpekto Niya, na siyang pinakamalaking kawalan at isang walang hanggang pagsisisihan. Hindi ito kailanman makikilatis ng mga mapanlinlang.
Ngayon, mayroon ba kayong landas sa pagiging matapat na tao? Dapat ninyong suriin ang inyong bawat salita at kilos sa inyong buhay; sa gayon lamang ninyo matutuklasan ang mas maraming kasinungalingang sinasabi ninyo at mas maraming panlilinlang na ginagawa ninyo, at makikilala ang sarili ninyong mapanlinlang na disposisyon. Pagkatapos ay dapat ninyong tingnan kung paano ito isinasagawa at pinagdaraanan ng matatapat na tao, at kumuha ng ilang karanasan at mga aral mula sa kanila. Dapat din ninyong isagawa ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay, at madalas na lumapit sa Diyos para manalangin at makipagbahaginan sa Diyos. Sabihin nating kakasabi mo lang ng isang kasinungalingan—agad mong napagtatanto: “Ang ilan sa kasasabi ko lang ay hindi tumpak. Dapat aminin ko ito kaagad at itama ang sarili ko, at ipaalam sa lahat na ang kasasabi ko lang ay isang kasinungalingan.” Agad-agad mong itinatama ang sarili mo. Kung palagi mong itinatama ang sarili mo at nagsasagawa ka nang ganito, magiging ugali mo na ito; kung magsisinungaling ka muli minsan nang hindi itinatama ang sarili mo, hindi ka mapapakali sa loob-loob mo, at tutulong ang Diyos sa pagbabantay sa iyo. Sa pagsasagawa at pagdanas nang ganito nang ilang panahon, magsisimulang mabawasan ang pagsisinungaling mo, mababawasan nang mababawasan ang mga karumihan sa mga salita at kilos mo, at mas lalong magiging madali para sa iyo na isagawa ang pagiging matapat na tao. Sa ganitong paraan, ikaw ay malilinis. Gayon ang landas ng pagiging matapat na tao. Dapat dahan-dahan kang magbago, unti-unti. Habang lalo kang nagbabago, lalo kang magiging mabuti; habang lalo kang nagbabago, lalo mong magagawang magsalita ng matatapat na salita, at titigil ka sa pagsisinungaling. Ito ang tamang kalagayan. Lahat ng tiwaling tao ay may parehong problema: Lahat sila ay likas na marunong magsinungaling, at nahihirapan silang ibahagi ang kanilang mga kaloob-loobang kaisipan o magsabi ng totoo. Kahit na gusto nilang sabihin ang totoo, hindi lang talaga nila ito magawa. Ang mga tao ay naniniwalang lahat sa kanilang puso na ang pagiging matapat ay kahangalan at nagpapakita ng kawalan ng katusuhan—iniisip nila na ang mga hangal lamang ang prangkang magsalita, at na malamang na magdurusa ng mga kawalan ang isang tao kung sasabihin niya ang anumang nasa isip niya, inilalantad ang mga bagay na ito sa lahat, at na hindi gugustuhin ng iba na makisalamuha sa kanya, na hinahamak ng lahat ang gayong mga tao. Hahamakin ba ninyo ang ganitong uri ng tao? Ito ba ang pananaw ninyo? (Bago ako manampalataya sa Diyos, hinahamak ko ang gayong mga tao, pero ngayon ay hinahangaan ko sila at tingin ko ay mas mabuting mamuhay nang simple at matapat. Sa pamumuhay nang ganito, hindi nakakaramdam ang isang tao ng ganoon kabigat na pasanin sa kanyang puso. Kung hindi, pagkatapos mong magsinungaling sa isang tao, kailangan mo itong pagtakpan, at humahantong ka sa paghuhukay ng papalaki at papalaking butas para sa sarili mo, at sa malao’t madali ay nalalantad ang kasinungalingan.) Ang pagsisinungaling at panlilinlang ay parehong mga hangal na pag-uugali. Higit na mas matalino ang sabihin na lang ang totoo at magsalita nang mula sa puso. Nauunawaan na ng lahat ang isyung ito ngayon. Kung iniisip mo pa rin na ang pagsisinungaling at panlilinlang ay isang tanda ng pagkakaroon ng kakayahan at pagiging tuso, kung gayon, ikaw ay lubos na hangal at matigas ang ulo, at wala kang kahit pinakakatiting na katotohanan. Kung umabot ka na sa ganitong edad at naniniwala ka pa ring ang mga mapanlinlang na tao ang pinakamatalino, at na ang matatapat na tao ay hangal lahat, ibig sabihin niyan ay isa kang balighong tao na hindi nakakakilatis sa anumang bagay. Bagama’t pare-parehong tao ang lahat, ang ilang tao ay nagsasagawa ng pagiging matapat araw-araw at nakakaramdam ng labis na saya at wala silang stress; malaya at magaan ang pakiramdam nila sa puso nila. Walang kulang sa kanila at mas komportable ang pamumuhay nila. Ang lahat ay natutuwang makisalamuha sa mga ganitong tao, at talagang sila dapat ang hinahangaan ng lahat. Ito ay tinatawag na pagkaalam kung paano mamuhay. May mga hangal na taong nag-iisip, “Ang taong iyan ay palaging nagsasabi ng totoo at siya ay napungusan, hindi ba? Buti nga sa kanya! Tingnan ninyo ako—itinatago ko ang mga tunay kong kaisipan, hindi ako nagsasalita tungkol sa mga ito o hindi ko ibinubunyag ang mga ito, kaya hindi ako napungusan o nagdusa ng anumang kawalan, o napahiya sa harap ng lahat. Kahanga-hanga ito! Palagi kong itinatago ang mga tunay kong kaisipan, at hindi ako nagsasalita nang matapat sa sinuman—walang nakakaalam kung ano ang iniisip ko sa loob-loob ko. Ito ay tinatawag na pagiging nakakahigit; ito ang pinakamatalinong diskarte.” Pero nakikita ng lahat ng tao na ang mga taong ito ang pinakamapanlinlang at pinakatuso sa paraang hindi maarok; palaging mapagbantay ang ibang tao laban sa kanila at dumidistansiya ang mga ito sa kanila. Walang sinuman ang gustong makipagkaibigan sa mga mapanlinlang na tao. Hindi ba’t ang mga ito ang katunayan? Kung ang isang tao ay taong totoo at madalas nagsasabi ng totoo, at nagagawa niyang makipag-usap nang taos-puso sa ibang tao at wala siyang kinikimkim na intensiyong manakit ng iba, bagama’t paminsan-minsan ay nakakagawa siya ng hangal na bagay dahil sa kamangmangan, kinikilala ng lahat na isa siyang mabuting tao, at handa ang lahat na makisalamuha sa kanya. Makakakuha ka ng mga pakinabang mula sa pakikisalamuha sa mabubuti at matatapat na tao, at nagbibigay ito sa iyo ng pakiramdam ng seguridad—ito ay isang katunayan na tinatanggap sa pangkalahatan. Ang mga mananampalataya sa Diyos na kayang hangarin ang katotohanan at maging matatapat na tao ay hindi lamang minamahal ng iba sa iglesia, kundi ng Diyos din. Sa sandaling makamit nila ang katotohanan, nagtataglay sila ng tunay na patotoo at nagagawa nilang tanggapin ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi ba’t sila ang pinakapinagpala sa lahat ng tao? Malinaw na makikita ng mga taong nakakaunawa ng ilang katotohanan ang usaping ito. Sa pag-asal mo, dapat kang maging isang mabuting tao, isang matapat na tao, isang taong nagtataglay ng katotohanan; sa ganitong paraan, hindi ka lamang mamahalin ng iba, kundi pagpapalain ka rin ng Diyos. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang taong sumusunod sa mga makamundong kalakaran, hindi pa rin siya mabuting tao. Ang mga hindi nakakaunawa nito ay mga hangal na hindi pa rin nakakaarok sa katotohanan. Pinipili ng mga taong tunay na nakakaarok sa katotohanan na tumahak sa tamang landas sa buhay, na maging matatapat na tao, at sumunod sa Diyos. Sa paggawa lamang ng mga bagay na ito makakamit ng isang tao ang kaligtasan. Ang ganitong tao ang pinakamatalino sa lahat.
Bilang isang taong nananampalataya sa Diyos at tumatahak sa tamang landas sa buhay, kahit papaano ay dapat kang mamuhay nang may dignidad at magkaroon ng wangis ng tao, dapat kang umasal sa paraang itinuturing kang mapagkakatiwalaan at pinapahalagahan ka ng iba, dapat mong gawin ito sa paraang nararamdaman ng iba na may diwa sa iyong karakter at integridad, na tinutupad mo ang lahat ng iyong sinasabi, at na ang iyong salita ay iyong pananagutan. Dapat kang umasal sa paraang tinatasa ka ng mga tao sa pagsasabing tiyak na tutuparin mo ang iyong mga salita, na tiyak na gagawin mo ang iyong ipinapangako, at na tiyak na isasagawa mo ang ipinagkatiwala sa iyo nang responsable at nang buong puso, at sa ganap na kasiyahan ng taong nagkatiwala ng gampanin sa iyo. Hindi ba’t ito ang taong may isang salita? Hindi ba’t namumuhay nang may dignidad ang mga ganitong tao? (Oo.) May ilang tao na walang sinumang maglalakas-loob na magkatiwala sa kanila ng anumang bagay. Kahit na may ibang nagkakatiwala sa kanila ng mga bagay-bagay, ito ay dahil walang sinumang mas naaangkop, at wala nang ibang mapagpipilian, at kinakailangan pa rin na magtalaga ng isang tao para magbantay sa kanila. Anong klase ng tao ito? Ito ba ay isang taong may dignidad? (Hindi.) Kailangan mong analisahin at suriin ang lahat ng sinasabi niya, hulaan kung ano talaga ang ibig niyang sabihin base sa tono niya, at humanap ng kumpirmasyon at beripikasyon mula sa mga taong nakapaligid sa iyo. Kapag gumawa siya ng komento at nagsalita tungkol sa isang bagay, halos walang kredibilidad ang kanyang mga salita. Maaaring umiiral ang bagay na sinasabi niya, pero maaaring pinalaki o pinaliit niya ito, o maaaring hindi talaga ito umiiral at gawa-gawa lang niya ito. At bakit siya nag-iimbento lang? Dahil gusto niyang manlinlang ng mga tao, para ituring siya ng mga tao na matalino at mahusay; iyon ang layon niya. Gusto ba ng ibang tao ang mga indibidwal na gaya nito? (Hindi.) Gaano katindi nilang inaayawan ang mga taong ito? Itinuturing ng mga tao na kasuklam-suklam ang gayong mga indibidwal at minamaliit sila—at maaaring maramdaman pa nga na mas mabuti pang hindi na sila makitang muli. Pagkatapos gumugol ng ilang panahon kasama ang isang taong tulad nito, mahihiwatigan mo ang kanilang mga problema, at hindi ka nagtitiwala sa kanilang sinasabi o sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag nakikita mo sila, nakikipag-usap ka lang nang kaunti tungkol sa mga panlabas na bagay bilang isang paraan para makipagbatian at iwasan sila. Kahit na nagsasabi ng totoo ang mga indibidwal na ito, hindi naniniwala ang ibang tao. Ang ganitong uri ng tao ay ganap na walang kuwenta at hamak; walang sinumang nagpapahalaga sa kanila. Kapag umabot na sa puntong ito ang sariling asal ng isang tao, mayroon ba siyang dignidad? (Wala.) Walang sinumang nagkakatiwala sa kanya ng anumang bagay, walang nagtitiwala sa kanya, walang naglalahad ng puso nila sa kanya, at walang naniniwala sa mga sinasabi niya—makikinig lang ang mga ito, at wala nang iba pa. Kapag sinasabi ng mga ganitong indibidwal na, “Nagsasabi ako ng totoo sa pagkakataong ito,” walang may gustong maniwala sa kanila o magbigay-pansin sa kanila. Iniisip ng mga tao, “Wala akong pakialam na suriin kung totoo ba o hindi ang sinabi mo. Nakakapagod makinig sa iyo; kailangan kong analisahin at suriin ang mga motibo at intensiyon mo, at talagang malaking abala ito. Ang oras na igugugol ko para diyan ay maaaring magamit ko sa pagninilay-nilay tungkol sa isang sipi ng mga salita ng Diyos o sa pagkatutong umawit ng isang himno at talagang magkakamit ako ng ilang pakinabang sa paggawa ng mga bagay na iyon. Wala akong mapapala sa pakikipag-usap sa iyo. Walang ni isang salita sa sinasabi mo ang makatotohanan at ayaw kong makipagsalamuha sa iyo.” Tinatalikuran nila ang gayong mga tao nang ganoon-ganoon lang. Sa panahon ngayon, madalas mong maririnig ang mga walang pananampalataya na nagsasabing, “Gusto mo bang marinig ang katotohanan o mas gusto mong makarinig ng kasinungalingan?” Walang sinumang may gustong makarinig ng mga kasinungalingan. Kaya, ang mga taong palaging nagsisinungaling at nagpapaligoy-ligoy ang pinakamababa sa lahat ng tao; wala silang halaga. Walang sinumang may gustong magbigay-pansin sa kanila, walang may gustong makipag-ugnayan sa kanila, lalong walang may gustong magbukas ng puso sa kanila o makipagkaibigan sa kanila. May anumang integridad o dignidad ba ang mga ganitong tao? (Wala.) Sinumang makakatagpo ng mga taong tulad nito ay masusuklam sa kanila; sila ay ganap na hindi mapagkakatiwalaan sa kanilang mga salita at kilos—walang anumang impluwensiya ang gayong mga indibidwal. Mayroon pa ba silang anumang karakter o integridad? Wala ni katiting. Magugustuhan at igagalang ba sila ng mga tao kung sila ay may kaloob at talento? (Hindi.) At kung gayon, ano ang kailangan para magkasundo ang mga tao sa isa’t isa? Ang kailangan ay magkaroon sila ng karakter, integridad, dignidad, at maging mga taong mapagbubuksan ng puso ng iba. Ang mga taong may dignidad ay pawang may kaunting personalidad, at minsan ay hindi nila nakakasundo ang iba, ngunit sila ay matatapat, at walang insinseridad o panlilinlang sa kanila. Sa huli, mataas ang tingin ng iba sa kanila, dahil kaya nilang isagawa ang katotohanan, matapat sila, sila ay may dignidad, integridad, at karakter, hindi nila kailanman sinasamantala ang ibang tao, tinutulungan nila ang mga tao kapag nasa alanganin ang mga ito, tinatrato nila ang mga tao nang may konsensiya at katwiran, at hindi nila agad na hinuhusgahan ang mga taong ito. Kapag sinusuri o tinatalakay ang tungkol sa isang tao, tumpak ang lahat ng sinasabi nila, sinasabi nila kung ano ang nalalaman nila at hindi sila nagsasalita tungkol sa mga bagay na hindi nila alam, hindi sila nagdadagdag ng kuwento, at maaaring magsilbing ebidensiya o sanggunian ang mga salita nila. Kapag sila ay nagsasalita at kumikilos, ang mga taong nagtataglay ng karakter ay may tendensiyang maging praktikal at mapagkakatiwalaan. Walang sinumang nagpapahalaga sa mga taong walang karakter, at walang sinumang nagbibigay-pansin, nagseseryoso, o nagtitiwala sa kanilang mga salita o kilos. Ito ay dahil nagsasabi sila ng napakaraming kasinungalingan at napakakaunting makatotohanang salita, ito ay dahil sa tuwing nakikisalamuha sila sa sinuman o gumagawa ng mga bagay para sa sinuman, wala silang sinseridad at sinusubukan nilang linlangin at lokohin ang taong iyon, at walang sinumang may gusto sa kanila. Nakatagpo na ba kayo ng sinuman na, sa mga mata ninyo, ay mapagkakatiwalaan? Iniisip ba ninyong karapat-dapat kayo sa tiwala ng ibang tao? Mapagkakatiwalaan ba kayo ng ibang tao? Kung may isang taong magtatanong sa iyo tungkol sa sitwasyon ng isa pang tao, hindi mo dapat suriin o husgahan ang taong iyon ayon sa sarili mong kagustuhan, at ang mga salita mo ay dapat obhetibo, tumpak, at naaayon sa mga katunayan. Dapat kang magsalita tungkol sa anumang nauunawaan mo, at hindi ka dapat magsalita tungkol sa mga bagay na hindi mo makita nang malinaw. Dapat maging makatarungan at patas ka sa taong iyon. Iyan ang responsableng paraan ng pagkilos. Kung humuhusga ka lang batay sa obserbasyon sa panlabas na mga penomenon, kung gayon, dapat hindi ka pikit-matang magbigay-hatol sa taong iyon, at lalong hindi mo siya dapat husgahan. Dapat mong simulan ang sasabihin mo sa, “Sariling paghuhusga ko lamang ito,” o “Ganito lang talaga ang nararamdaman ko.” Sa ganoong paraan, magiging medyo obhetibo ang mga salita mo, at pagkatapos pakinggan ang mga sinabi mo, mararamdaman ng ibang tao ang pagkamatapat ng mga salita mo at ang iyong patas na saloobin, at magagawa ka na niyang pagkatiwalaan. Sigurado ba kayong maisasakatuparan ninyo ito? (Hindi.) Pinatutunayan nito na hindi sapat ang pagkamatapat ninyo sa iba, at wala kayong sinseridad at matapat na saloobin sa inyong pag-asal at pangangasiwa sa mga bagay-bagay. Sabihin nating may nagtatanong sa iyo, “Pinagkakatiwalaan kita; ano ang tingin mo sa taong iyon?” At sasagot ka, “Ayos naman siya.” Magtatanong muli ang taong ito, “Puwede ka bang magbigay ng mas marami pang detalye?” At sasabihin mo, “Mabuti ang asal niya, handa siyang magbayad ng halaga kapag ginagawa niya ang kanyang tungkulin, at nakakasundo niya ang iba.” Mayroon bang praktikal na ebidensiya sa alinman sa tatlong pahayag na ito na sapat para magsilbing patotoo? Wala. Mapagkakatiwalaan ka ba? (Hindi.) Wala sa tatlong pahayag na ito ang may kalakip na anumang detalye, sadyang malalawak ang saklaw ng mga ito, walang kabuluhan, at pabasta-bastang mga salita lamang. Kung kakikilala mo lang sa taong iyon at sinasabi mo na ayos lang naman siya batay sa kanyang panlabas na pag-uugali, normal lang iyon. Pero matagal mo na siyang nakakaugnayan, at dapat ay natuklasan mo na ang ilang problema sa diwa tungkol sa kanya. Gustong marinig ng mga tao kung ano ang pagsusuri at pananaw mo sa taong iyon sa kaibuturan ng puso mo, pero wala kang sinasabing makatotohanan, o kritikal, o mahalaga, kaya hindi magtitiwala sa iyo ang mga tao, at ayaw na nilang makipag-ugnayan sa iyo.
Kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga kapatid, dapat mong ilahad ang puso mo sa kanila at maunawaan ninyo ang isa’t isa para maging kapaki-pakinabang ito sa iyo. Kapag gumagampan ka sa iyong tungkulin, mas lalong mahalaga na ilahad mo ang iyong puso at magkaunawaan kayo ng mga kapatid; saka ka lamang makikipagtulungan sa kanila nang may pagkakasundo. Pero kung may isang taong hindi naglalahad ng puso niya sa iyo, kung hindi niya tinatanggap ang katotohanan, kung sa halip ay lubos siyang mapanlinlang na tao, kung gayon, isang kahangalan kung ilalahad mo ang puso mo sa kanya, at madali kang malalagay sa alanganin kung gagawin mo ito. Dapat mayroong mga prinsipyo sa kung paano ka nakikipag-ugnayan sa mga kapatid; dapat ilahad mo lang ang puso mo at magtapat lamang sa mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos at kayang tumanggap sa katotohanan. Kung ilalahad mo ang puso mo sa masasamang tao at mga hindi mananampalataya, kung gayon ikaw ay hangal at mangmang, at wala kang karunungan. Dapat ilahad mo lang ang puso mo sa mga kapatid na tunay na nananampalataya sa Diyos at kayang tumanggap sa katotohanan. Ang mga mapanlinlang na tao, mga may magulong isip, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya—mga taong walang anumang pagtanggap sa katotohanan—ay hindi mga kapatid; anuman ang ginagawa mo, huwag mong ilahad ang puso mo sa kanila, ang paglalahad mo ng puso mo sa kanila ay paglalahad ng puso mo sa mga diyablo, at sa huli, maaaring humantong ito sa pagkakahulog mo sa kanilang mga pakana at patibong. Mayroong mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa sa gitna ng mga lider at manggagawa, at mga huwad na mananampalataya at mga hindi mananampalataya sa gitna ng mga mananampalataya. Wala sa mga taong ito ang matatawag na kapatid, kaya anuman ang ginagawa mo, huwag mo silang tratuhin na parang kapatid. Tanging ang mga taong may mabuting puso at nagmamahal sa katotohanan, na kayang tumanggap sa katotohanan at isagawa ito, ang matatawag na kapatid, at kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga totoong kapatid na ito, dapat mong ilahad ang puso mo sa kanila, dapat kang simpleng magtapat sa kanila, at saka lamang magiging posible para sa inyo na mahalin ang isa’t isa, at makapagtulungan nang maayos habang ginagampanan nang mabuti ang inyong mga tungkulin. Kung minsan, kapag nag-uugnayan ang dalawang tao, hindi nagtutugma ang kanilang mga personalidad, o hindi nagtutugma ang mga kapaligiran, pinagmulan o kalagayang pang-ekonomiya ng mga pamilya nila. Gayunman, kung kayang ilahad ng dalawang taong iyon ang kanilang puso sa isa’t isa at magiging lubos na bukas tungkol sa kanilang mga suliranin, at makikipag-usap nang walang kasinungalingan o panlilinlang, at magagawang ipakita ang kanilang puso sa isa’t isa, sa ganitong paraan, sila ay magiging tunay na magkaibigan, na ang ibig sabihin ay magiging matalik na magkaibigan sila. Marahil, kapag iyong isang tao ay nahihirapan, ikaw ang hahanapin niya at wala nang iba, at tanging ikaw ang pagkakatiwalaan niya na makakatulong sa kanya. Kahit na pagsabihan mo siya, hindi niya ito dadamdamin, dahil alam niyang isa kang matapat na tao na may pusong taos. Pinagkakatiwalaan ka niya, kaya anuman ang sabihin mo o paano mo man siya tratuhin, makakaunawa siya. Kaya ba ninyong maging ganitong mga tao? Kayo ba ay ganitong mga tao? Kung hindi, hindi ka matapat na tao. Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang iparamdam sa kanila ang iyong tunay na puso at ang iyong sinseridad. Kung, habang nagsasalita at nakikipagtulungan at nakikipag-ugnayan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay pabasta-basta, may pormula, kaaya-ayang pakinggan, mapambola, iresponsable, at batay sa mga imahinasyon, o kung nagsasalita lamang siya upang makuha ang pabor ng iba, ang kanyang mga salita ay walang lamang totoo, at hindi siya taos ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Ang gayong tao ay walang matapat na puso. Hindi ito isang matapat na tao. Sabihin nating nasa isang negatibong kalagayan ang isang tao, at taos-puso niyang sinasabi sa iyo: “Sabihin mo sa akin kung bakit ako napakanegatibo. Hindi ko talaga ito maunawaan!” At ipagpalagay nang sa katunayan, nauunawaan mo sa iyong puso ang kanyang problema, pero hindi mo sinabi sa kanya, sa halip ay sinabi mong: “Wala iyan. Hindi ka naman negatibo; ganyan din ako.” Ang mga salitang ito ay malaking pampalubag-loob sa taong iyon, ngunit hindi sinsero ang iyong saloobin. Nagiging pabasta-basta ka sa kanya; kaya para maging komportable at maalo siya, umiwas ka sa pagsasalita nang matapat sa kanya. Hindi ka taos na tumutulong sa kanya at hindi mo diretsahang inihahayag ang kanyang problema, para maalis niya ang pagiging negatibo. Hindi mo nagawa ang nararapat gawin ng isang matapat na tao. Para lamang maalo siya at para matiyak na walang pagkakalayo o hindi pagkakasundo sa pagitan ninyo, naging pabasta-basta ka na lang sa kanya—at hindi ito ang pagiging isang matapat na tao. Kaya, kapag nakakaharap ka ng ganitong uri ng sitwasyon, paano ka dapat magsagawa para maging isang matapat na tao? Kailangan mong sabihin sa kanya ang problemang nakita at malinaw mong natukoy, “Nagkaroon na ako ng mga katulad na karanasan. Tingnan mo kung tama o mali ang sinasabi ko. Kung ito ay mali, hindi mo ito kailangang tanggapin. Kung ito ay tama, sana ay tanggapin mo ito. Kung nasasaktan ka sa mga salita ko, sana ay kaya mong tanggapin ang mga ito mula sa Diyos. Ang intensyon at hangarin ko ay ang tulungan ka. Malinaw kong nakikita ang suliranin: Pakiramdam mo ay napahiya ka at walang nagpapadama sa iyo na importante ka, sa tingin mo ay mababa ang tingin ng lahat sa iyo, at nadarama mong nakaranas ka ng dagok at kailanman ay hindi ka pa naagrabyado nang ganito, kaya hindi mo ito matanggap at nagiging negatibo ka. Ano sa tingin mo—ito ba talaga ang nangyayari?” At pagkarinig nito, madarama niya na ito nga talaga ang nangyayari. Ito talaga ang nasa puso mo, pero kung pipiliin mong maging hindi isang matapat na tao, hindi mo ito sasabihin. Ang sasabihin mo, “Madalas din akong maging negatibo,” at kapag narinig ng taong ito na ang lahat ay nagiging negatibo, iisipin niya na normal lang para sa kanya na maging negatibo at kaya hindi niya hahanapin ang katotohanan para lutasin ito. Sa huli, hindi niya iniiwan ang kanyang pagiging negatibo. Kung pipiliin mong maging isang matapat na tao at tulungan siya nang may matapat na saloobin at matapat na puso, matutulungan mo siyang maunawaan ang katotohanan at maisantabi ang kanyang pagiging negatibo.
Ang pagsasagawa ng pagiging matapat na tao ay kinabibilangan ng maraming aspekto. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging isang matapat na tao ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng pagtuon sa iisang aspekto; dapat pasok ka sa pamantayan sa maraming aspekto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang pagiging matapat ba ay kinabibilangan lang ng isyu ng hindi pagsisinungaling? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspekto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gawin o isang bagay na direktang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong tratuhin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagtrato sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng hungkag, mala-retorika, o masarap pakinggang mga salita, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nananatiling nakabaon sa puso mo ang mga salita, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat na tao. Halimbawa, ipagpalagay na hindi mo ginagawa nang maayos ang tungkulin mo, at kapag nagtatanong ang mga tao kung ano ang nangyayari, sinasabi mong, “Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ko nagagawa iyon.” Sa totoo lang, alam mo sa puso mo na pabasta-basta ka at hindi mo isinapuso ang tungkulin mo, subalit hindi mo sinasabi ang totoo. Sa halip ay nakakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan at iwasan ang responsabilidad. Iyan ba ang pag-uugali ng isang matapat na tao? (Hindi.) Niloloko mo ang mga tao at iniraraos lang ang mga bagay-bagay sa pagsasabi ng mga bagay na ito. Ngunit ang diwa ng mga intensyong nasa iyong kalooban at ng kung ano ang nasa loob mo ay isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo mabubunyag at mahihimay ang mga ito, hindi madadalisay ang mga ito—at hindi iyan maliit na bagay! Dapat kang magsalita nang tapat, “Medyo nagmamabagal ako sa paggawa ng aking tungkulin. Naging pabasta-basta ako at mapagwalang-bahala. Kapag maganda ang timpla ko, nakakaya kong magsikap nang kaunti. Kapag masama ang timpla ko, tinatamad ako at ayaw kong magsikap, at nagpapasasa ako sa mga kaginhawahan ng laman. Kaya, wala pang masyadong ibinunga ang paggampan ng tungkulin ko. Aktibo kong binabago ang mga bagay-bagay nitong nakaraang ilang araw, at sinisikap kong ibigay ang lahat ko, pagbutihin ang aking kahusayan, at gawin nang maayos ang aking tungkulin.” Pagsasalita ito nang taos-puso. Ang isa pang paraan ng pagsasalita ay hindi taos-puso. Dahil sa takot mong mapungusan, na matuklasan ng mga tao ang mga problema mo, at na panagutin ka nila, nakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan, na pinatitigil muna ang ibang mga tao sa pag-uusap tungkol sa sitwasyon, pagkatapos ay umiiwas ka sa responsabilidad, upang hindi ka mapungusan. Ito ang pinagmumulan ng iyong mga kasinungalingan. Gaano man magsalita ang mga sinungaling, ang ilan sa sinasabi nila ay siguradong makatotohanan at tunay na nangyari. Ngunit ang ilang mahalagang bagay na sinasabi nila ay maglalaman ng kaunting kasinungalingan at kaunting motibo nila. Kaya, napakahalagang makilatis kung ano ang totoo at ang hindi totoo. Gayunman, hindi ito madaling gawin. Ang ilan sa sinasabi nila ay magkakaroon ng dungis at magiging hindi dalisay, ang ilan sa sinasabi nila ay aayon sa mga katunayan, at ang ilan sa sinasabi nila ay magiging taliwas sa mga katunayan; sa gayon na nagkagulo-gulo ang tunay at hindi tunay, mahirap matukoy ang totoo sa hindi totoo. Ito ang pinakamapanlinlang na klase ng tao, at ang pinakamahirap na matukoy. Kung hindi nila matanggap ang katotohanan at hindi nila maisagawa ang pagiging isang matapat na tao, talagang ititiwalag sila. Alin kung gayon ang landas na dapat piliin ng mga tao? Alin ang daang isasagawa ng isang matapat na tao? Dapat kayong matutong magsabi ng totoo at makapagbahagi nang hayagan tungkol sa tunay ninyong mga kalagayan at mga problema. Ganyan magsagawa ang matatapat na tao, at tama ang gayong pagsasagawa. Iyong mga nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay handang lahat na maghangad na maging matatapat na tao. Sa pamamagitan lang ng pagiging matapat makadarama ang isang tao ng tunay na kagalakan at kapayapaan, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan para makamit ang pagpapasakop sa Diyos matatamasa ng isang tao ang tunay na kaligayahan.
Maraming praktikal na problema ang lumilitaw habang nararanasan ng mga tao ang pagiging matapat. Kung minsan ay nagsasalita lang sila nang hindi nag-iisip; nagkakaroon sila ng pansamantalang pagkakamali sa usapin ng kanilang mga kaisipan, at dahil sila ay pinamamahalaan ng isang maling intensiyon o pakay, o banidad at pride, nagsisinungaling sila. Dahil dito, kailangan nilang palaging magsabi ng mas maraming kasinungalingan para pagtakpan iyon. Sa huli, hindi sila napapayapa sa puso nila, pero hindi na nila mababawi ang mga kasinungalingang iyon, wala silang lakas ng loob na itama ang kanilang mga pagkakamali, na aminin na nagsinungaling sila, at sa ganitong paraan, patuloy silang nagkakamali. Pagkatapos nito, palagi nilang nararamdaman na parang may batong nakadagan sa puso nila; gusto nila palaging humanap ng pagkakataong magsabi ng totoo, na aminin ang kanilang pagkakamali at magsisi, pero hindi nila ito kailanman nagagawang isagawa. Sa huli, pinag-iisipan nila ito at sinasabi sa kanilang sarili, “Babawi ako kapag ginampanan ko ang tungkulin ko sa hinaharap.” Lagi nilang sinasabing babawi sila, pero hindi nila ginagawa kailanman. Hindi iyon kasingsimple ng paghingi lang ng tawad pagkatapos magsinungaling—mababawi mo ba ang pinsala at mga kahihinatnan ng pagsisinungaling at panlilinlang? Kung, sa gitna ng matinding pagkamuhi sa sarili, nagagawa mong magsagawa ng pagsisisi, at hindi kailanman magsinungaling o manlinlang muli, kung gayon ay maaaring matanggap mo ang pagpaparaya at awa ng Diyos. Kung nagsasabi ka ng matatamis na salita at nagsasabing babawi ka para sa mga kasinungalingan mo sa hinaharap, pero hindi ka talaga nagsisisi, at kalaunan ay patuloy kang nagsisinungaling at nanlilinlang, kung gayon ay matigas kang tumatangging magsisi, at siguradong matitiwalag ka. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay dapat kilalanin ang sumusunod na punto: Matapos magsinungaling at manlinlang, hindi sapat ang isipin lang na bumawi sa mga kamalian; ang pinakamahalaga ay na kailangan mong tunay na magsisi, at dapat mong isagawa ang katotohanan at dapat kang magpatotoo. Kung nais mong maging matapat, dapat mong lutasin ang problema ng pagsisinungaling at panlilinlang. Dapat kang magsabi ng totoo at gumawa ng mga praktikal na bagay. Kung minsan, mapapahiya ka sa pagsasabi ng totoo at magiging dahilan para pungusan ka, ngunit maisasagawa mo ang katotohanan, at ang magpasakop sa Diyos nang kahit isang beses, ang mapalugod ang Diyos ng kahit isang beses, ay sulit na sulit; magdadala ito sa iyo ng kaginhawahan. Ano’t anuman, maisasagawa mo na sa wakas ang pagiging matapat, masasabi mo na sa wakas kung ano ang nasa puso mo, nang hindi sinusubukang magpalusot o ipawalang-sala ang sarili mo, at ito ay tunay na paglago. Pungusan ka man o tanggalin, magiging matatag pa rin ang puso mo, dahil hindi ka nagsinungaling; mararamdaman mo na dahil hindi mo ginawa nang maayos ang tungkulin mo, tama lang na pungusan at tanggalin ka, at na akuin mo ang responsabilidad para dito. Ito ay isang positibong kalagayan ng pag-iisip. Gayumpaman, ano ang magiging kahihinatnan kapag ikaw ay nanlinlang? Pagkatapos mong manlinlang, ano ang mararamdaman mo sa puso mo? Balisa; palagi mong mararamdaman na may kasalanan at katiwalian sa puso mo, mararamdaman mo na palagi kang inaakusahan: “Paano ko nagawang magsinungaling? Paano ko nagawang muling manlinlang? Bakit ako ganito?” Mararamdaman mo na parang hindi mo maiaangat ang iyong ulo, na parang hiyang-hiya kang humarap sa Diyos. Lalo na kapag pinagpapala ka ng Diyos, kapag tumatanggap ka ng biyaya, habag at kaluwagan ng Diyos, mas lalo mong nararamdaman na nakakahiyang linlangin ang Diyos, at sa puso mo, nakakaramdam ka ng higit na panunumbat, at lalo kang nawawalan ng kapayapaan at kagalakan. Ano ang ipinapakita nitong problema? Ang panlilinlang ay isang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon, ito ay ang paghihimagsik at paglaban sa Diyos, kaya magdudulot ito sa iyo ng matinding pasakit. Kapag nagsisinungaling at nanlilinlang ka, maaaring nararamdaman mo na nakapagsalita ka nang napakatalino at napakabanayad, at na wala kang naipapakitang anumang maliliit na pahiwatig—pero kalaunan, ang pagkakonsensiya at pang-aakusa na nadarama mo sa puso mo ay maaaring sumunod sa iyo sa buong buhay mo. Kung kusa at sinasadya mong magsinungaling at manlinlang, at dumating ang araw kung kailan napagtanto mo ang bigat nito, tutusok ito sa puso mo na parang isang tinik. Palagi mong gugustuhing humanap ng pagkakataon para makabawi—na siyang dapat mong gawin—maliban na lang kung wala kang konsensiya, hindi ka pa kailanman namuhay ayon sa iyong konsensiya, wala kang pagkatao, at wala kang pakialam sa integridad o dignidad. Kung mayroon kang kahit kaunting kamalayan ng konsensiya, at kaunting integridad at dignidad, kapag napagtanto mo na nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mararamdaman mo na ang pag-uugali mong ito ay kahiya-hiya, nakasisirang-puri, at mababa, at kamumuhian at kasusuklaman mo ang sarili mo, at tatanggihan mo ang landas ng mga kasinungalingan at panlilinlang, at hahangarin mong maging matapat. Ang kauri ni Satanas ay walang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao; nananatili silang walang malay at walang pakialam sa lahat ng kasinungalingang sinasabi nila, at mayroon pa nga silang teoretikal na batayan sa kanilang pagsisinungaling, na hindi magagawang kamtin ang malalaking tagumpay nang hindi nagsasabi ng mga kasinungalingan, at kaya, matigas silang tumatangging magsisi. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay naiiba. Ang mga taong ito ay dumaan lang sa paggawang tiwali ni Satanas, at bagamat nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, hindi sila masasamang tao, mayroon silang kamalayan ng konsensiya, mayroon silang pangangailangan ng normal na pagkatao, at ng mga instinto at pangangailangan ng pagmamahal para sa mabubuti, mga makatarungan, at positibong bagay. Samakatwid, kapag nararamdaman nilang inuusig sila ng kanilang konsensiya, kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili at tunay na magsisi. Si Satanas ay isang bagay na may sukdulang kasamaan. Ayaw nito ng mga positibong bagay, ayaw nito ng mabubuting bagay, at sa loob ng kalikasan nito ay mayroon lamang madidilim at masasamang bagay, walang iba kundi mga tiwali at mapaminsalang bagay; wala itong pagkatao, wala itong mga pangangailangan ng normal na pagkatao, at wala itong kamalayan ng konsensiya. Pero iba ang mga tao. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, may taglay silang konsensiya at katwiran; ang mga taong may konsensiya ay may kamalayan sa kanilang puso, nararamdaman nila ang pang-aakusa at pagsaway ng kanilang konsensiya kapag sinusubukan nilang linlangin ang Diyos o ang ibang tao, at nasasaktan sila sa paninisi at mga akusasyong ito. Kapag nararamdaman ng isang tao ang pasakit na ito, kapag nararamdaman niya ang pang-aakusa at paninising ito, nagsisimulang magkaroon ng kamalayan ang kanyang konsensiya: Napagtatanto niya na dapat maging matapat ang mga tao, at na dapat silang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kapag may ganito silang pangangailangan, mabuting bagay iyon. Ngayon, nakakaramdam ba kayo ng pagsaway kapag nagsisinungaling at nanlilinlang kayo? (Oo.) Ang nararamdaman ninyong pagsaway ay nagpapatunay na mayroon kayong kaunting kamalayan ng konsensiya at na mayroon pang pag-asa para sa inyo; ito ang pinakamababang antas ng kamalayan at uri ng pag-uugali na dapat ninyong taglayin para makamit ninyo ang kaligtasan. Kung walang anumang nararamdamang pagsaway ang inyong konsensiya, problema ito, at ibig sabihin nito ay wala kayong pagkatao. Ngayon, marunong na ba kayong magsisi pagkatapos magsinungaling at manlinlang ng iba? Kung matigas kayong tatangging magsisi, ano ang magiging kahihinatnan? Hindi kayo matutubos. Nakikita na ninyong lahat ngayon na ililigtas ng Diyos ang mga taong nagtataglay ng konsensiya, katwiran, ng mga pangangailangan ng normal na pagkatao, ng abilidad na makakilala ng mabuti sa masama, ng pagmamahal sa mga positibong bagay at mabubuting bagay, ng pagkapoot sa kasamaan, at ng abilidad na tumanggap ng katotohanan. Ang mga ganitong tao ay maliligtas.
Nobyembre 30, 2017