Pangwakas na Pananalita
Bagaman ang mga salitang ito ay hindi bumubuo sa lahat ng mga pagpapahayag ng Diyos, ang mga ito ay sapat na upang makamit ng mga tao ang mga layunin ng pagkakilala sa Diyos at pagbabago ng disposisyon. Marahil ay mayroong ilan na nag-aakala na dahil ang gawain ng Diyos sa kalakhang lupain ng China ay natapos na, ito ay nagpapatunay na natapos na Niyang bigkasin ang lahat ng mga salitang dapat Niyang bigkasin, at na hindi na posibleng magkaroon Siya ng anumang bagong sasabihin, sapagkat ang nagawa lamang na sabihin ng Diyos ay ang mga salitang ito. Higit pa rito, may mga tao na naniniwala na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay naglalaman ng lahat ng mga pagpapahayag ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, at na ang makakuha ng aklat na ito ay katumbas ng pagtatamo ng lahat ng mayroon ang Diyos, o na aakayin ng aklat na ito ang sangkatauhan sa hinaharap gaya ng ginawa ng Bibliya. Ako ay nagtitiwala na ang mga tao na nagtataglay ng mga pananaw na ito ay hindi kabilang sa minorya, dahil laging nais ng mga tao na magtalaga ng mga limitasyon sa Diyos. Bagaman ipinahahayag nilang lahat na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at sumasakop sa lahat, pinadadali pa rin ng kanilang kalikasan na lagyan nila ng limitasyon ang Diyos sa loob ng ilang hangganan. Kinikilala ng lahat ang Diyos, ngunit kasabay nito ay nilalabanan at nililimitahan din nila Siya.
Ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian ay kasisimula pa lamang. Ang lahat ng mga pagbigkas ng Diyos na nilalaman sa aklat na ito ay nakatuon lamang sa mga sumunod sa Kanya sa panahong iyon, at ang mga ito ay isang bahagi lamang ng mga pagpapahayag na Kanyang ginawa sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao; hindi kinakatawan ng mga ito ang lahat ng mayroon ang Diyos. Higit pa rito, hindi masasabi na nasasaklawan nito ang buong gawain na isasakatuparan ng Diyos habang nasa pagkakatawang-tao na ito. Itutuon ng Diyos ang Kanyang mga salita sa mga tao na mula sa iba’t ibang lahi at mga pinagmulan, at Kanyang lulupigin ang buong sangkatauhan at wawakasan ang lumang kapanahunan. Kaya paano Niya tatapusin ang lahat ng ito matapos na magpahayag lamang ng ganito kaliit na bahagi ng Kanyang mga salita? Ang gawain ng Diyos ay nahahati lamang sa iba’t ibang mga kapanahunan at iba’t ibang mga hakbang; Siya ay gumagawa nang naaayon sa Kanyang plano at ipinahahayag ang Kanyang mga salita nang naaayon sa Kanyang mga hakbang. Paano matatalos ng tao ang pagkamakapangyarihan sa lahat at ang karunungan ng Diyos? Ang katotohanan na nais Kong ipaliwanag dito ay ito: Kung ano at kung anong mayroon ang Diyos ay di-nauubos magpakailanman at walang katapusan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay at ng lahat ng bagay; hindi Siya maaaring maarok ng anumang nilalang. Ang panghuli, dapat Kong patuloy na ipaalala sa lahat: Huwag na muling lagyan ng limitasyon ang Diyos batay sa mga aklat, mga salita, o sa Kanyang nakaraang mga pagbigkas kahit kailan. Mayroon lamang iisang salita na naglalarawan ng katangian ng gawain ng Diyos: bago. Ayaw Niyang tahakin ang lumang mga landas o ulitin ang Kanyang gawain; higit pa riyan, ayaw Niyang sambahin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng paglalagay sa Kanya ng limitasyon sa loob ng partikular na saklaw. Ito ang disposisyon ng Diyos.