42. Mga Pakinabang na Nakamit sa Pamamagitan ng Paghihirap

Ni Robinsón, Venezuela

Sa pagtatapos ng 2019, ibinahagi sa’kin ng isang kamag-anak ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nakita ko na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay may awtoridad, at na ang mga iyon ang katotohanan. Nadama ko na ito ang tinig ng Diyos kaya masaya kong tinanggap ang bagong gawain ng Diyos. Nagbabasa ako ng salita ng Diyos araw-araw at ayokong lumiban sa kahit isang pagtitipon. Kung minsan, nagkakaroon ng mga problema sa internet o sa suplay ng kuryente kung nasaan ako, at hindi ako nakadadalo sa mga online na pagtitipon. Sumasama talaga ang loob ko, pero agad kong binabasa ang mga detalye ng pagtitipon pagkatapos, at tapos ay ipinadadala ko sa grupo ang pagkaunawa ko sa salita ng Diyos, nakikipagniig sa mga kapatid, at ginagawa ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya.

Pagkaraan ng ilang panahon, napili ako bilang lider ng iglesia. Nung una, kahati ko sa responsibilidad ng gawain ng iglesia ang dalawa pang lider, kaya hindi ako masyadong nahihirapan o namomroblema. Hindi nagtagal, napili akong mangasiwa sa gawain ng ilang iglesia. Nung simula, ayokong gawin ang tungkuling ito. Dahil pakiramdam ko’y hindi pa ako matagal na nakapagsasagawa bilang lider, at na marami pa akong pagkukulang at mga bagay na hindi ko nauunawaan, kaya nag-alala ako nang husto na hindi ko magagawa nang mabuti ang tungkuling ito. Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Iilang mensahe lang ang narinig ni Noe, at noong panahong iyon ay hindi nagpahayag ng maraming salita ang Diyos, kung kaya walang dudang maraming katotohanan ang hindi naunawaan ni Noe. Hindi niya naiintindihan ang makabagong siyensya o makabagong kaalaman. Isa siyang napakaordinaryong tao, isang hindi kapansin-pansing miyembro ng sangkatauhan. Subalit sa isang aspeto, hindi siya katulad ng sinupaman: Marunong siyang makinig sa mga salita ng Diyos, marunong siyang tumalima at sumunod sa mga salita ng Diyos, alam niya kung ano ang katayuan ng tao, at nagawa niyang tunay na maniwala at sumunod sa mga salita ng Diyos—wala nang iba. Ang mga simpleng prinsipyong ito ay sapat na para tulutan si Noe na isakatuparan ang lahat ng ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at nagtiyaga siya rito hindi lamang sa loob ng ilang buwan, ni ilang taon, ni ilang dekada, kundi sa loob ng mahigit isang siglo. Hindi ba kagila-gilalas ang numerong ito? Sino ang ibang makakagawa nito maliban kay Noe? (Walang iba.) At bakit wala? Sinasabi ng ilang tao na ito ay dahil sa hindi pagkaunawa sa katotohanan—ngunit hindi iyan alinsunod sa katunayan. Ilang katotohanan ang naunawaan ni Noe? Bakit nakaya ni Noe ang lahat ng ito? Nabasa na ng mga mananampalataya ngayon ang marami sa mga salita ng Diyos, nauunawaan nila ang ilang katotohanan—kaya bakit hindi nila ito makayang gawin? Sinasabi ng iba na ito ay dahil sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao—ngunit wala bang tiwaling disposisyon si Noe? Bakit nagawa ito ni Noe, pero hindi ng mga tao ngayon? (Dahil ang mga tao sa kasalukuyan ay hindi naniniwala sa mga salita ng Diyos, hindi nila itinuturing ni sinusunod ang mga iyon bilang katotohanan.) At bakit hindi nila maituring na katotohanan ang mga salita ng Diyos? Bakit hindi nila kayang sumunod sa mga salita ng Diyos? (Wala silang may-takot-sa-Diyos na puso.) Kaya kapag walang pagkaunawa ang mga tao sa katotohanan, at hindi pa nila naririnig ang maraming katotohanan, paano sila magkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso? (Dapat magkaroon ang isang tao ng pagkatao at konsiyensiya.) Tama iyan. Sa pagkatao ng mga tao, kailangan ay mayroon ng dalawa sa pinakamahahalagang bagay sa lahat: Ang una ay konsiyensiya, at ang pangalawa ay ang katinuan ng normal na pagkatao. Ang pagkakaroon ng konsiyensiya at katinuan ng normal na pagkatao ang pinakamababang pamantayan sa pagiging isang tao; ito ang pinakamababa at pinakapangunahing pamantayan sa pagsukat sa isang tao. Ngunit wala nito ang mga tao sa kasalukuyan, kaya nga gaano man karaming katotohanan ang naririnig at nauunawaan nila, hindi nila magawang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya ano ang naiiba sa diwa ng mga tao sa kasalukuyan kumpara kay Noe? (Wala silang pagkatao.) At ano ang diwa ng kawalan ng pagkatao na ito? (Mga hayop at demonyo.) Hindi magandang pakinggan ang ‘mga hayop at demonyo,’ pero naaayon ito sa mga katunayan; ang isang mas magalang na paraan ng pagsasabi niyon ay na wala silang pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao at katinuan ay hindi mga tao, masahol pa nga sila sa mga hayop. Kaya nakumpleto ni Noe ang atas ng Diyos ay dahil nang marinig ni Noe ang mga salita ng Diyos, nagawa niyang isaisip ang mga iyon; para sa kanya, ang atas ng Diyos ay isang panghabambuhay na gawain, matibay ang kanyang pananampalataya, hindi nagbago ang kanyang kahandaan sa loob ng isandaang taon. Iyon ay dahil mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, isa siyang tunay na tao, at malakas ang pakiramdam niya na ipinagkatiwala ng Diyos ang pagbubuo ng arka sa kanya. Ang mga taong may pagkatao at katinuan na katulad ni Noe ay bihirang-bihira, napakahirap makatagpo ng gayong tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Ekskorsus). Hindi pa kailanman nakarinig si Noe ng anumang malalalim na mensahe at hindi niya naunawaan ang maraming katotohanan, pero may puso siyang may takot at sumusunod sa Diyos. Nang sabihin ng Diyos kay Noe na lilipulin Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng isang baha at na gagawa si Noe ng isang arko, walang pag-aalinlangan na sumang-ayon si Noe. Alam ni Noe na ang atas na ibinigay sa kanya ng Diyos ay hindi madali, dahil ang paggawa ng arko ay mangangailangan ng pagputol ng mga puno at paggawa ng eksaktong mga sukat, pero kahit lubhang malaki at mahirap ang proyekto, hindi umatras si Noe, dahil alam niya na atas ito ng Diyos sa kanya. Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, natanto ko na hindi ko taglay ang pagkatao o pag-unawa ni Noe. Nang ipamahala sa akin ng lider ang gawain ng ilang iglesia, wala akong pananampalataya sa Diyos at umasa lang ako sa sarili kong mga abilidad. Pakiramdam ko’y limitado ang mga kakayahan ko sa trabaho, na hindi pa ako matagal na nagsasagawa bilang lider ng iglesia at marami akong pagkukulang. Nag-alala ako na hindi ako magiging mahusay, kaya ayokong tanggapin ang tungkuling ito. Hindi ko taglay ang pananampalataya ni Noe sa Diyos, at wala rin akong pusong may takot at sumusunod sa Diyos, lalong hindi ko taglay ang pagkatao o pag-unawa na taglay ni Noe. Nang mapagtanto ko ito, hindi na ako nag-alala, at handa na akong sundin at tanggapin ang tungkuling ito gaya ng pagtanggap ni Noe ng sa kanya.

Gayunpaman, nang simulan ko na ang gawain, naharap ako sa isang bagong problema. Nalaman kong marami akong trabahong dapat gawin. Halimbawa, kailangan kong maunawaan ang kalagayan ng mga kapatid sa loob ng iglesia, suportahan ang mga hindi normal na nagtitipon, alamin ang mga paghihirap ng mga tao sa tungkulin at magbahagi para malutas ang mga ito, at tulungan ang mga tao na matutuhan kung paano gawin ang kanilang mga tungkulin, at iba pa. Lahat ng ito ay mga responsibilidad na kailangan kong pasanin. Kapag nahaharap sa mga problemang ito, hindi ko alam kung saan magsisimula, hindi ko alam kung paano gagawin nang mabuti ang gawaing ito, at sobra akong mamomroblema. Dahil sa mga paghihirap na ito, naging negatibo ako, at gusto ko na lang sabihin sa lider na sa tingin ko’y hindi ako karapat-dapat sa tungkuling ito dahil wala akong karanasan at masyado akong nahihirapan dito. Kalaunan, nalaman ng lider ang tungkol sa kalagayan ko at pinadalhan niya ako ng isang sipi ng salita ng Diyos para tulungan ako. Binasa ko ang salita ng Diyos: “Noong isinugo ng Diyos si Moises para akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto, ano ang naging reaksyon ni Moises na binigyan siya ng Diyos ng ganitong atas? (Sinabi niyang hindi siya mahusay magsalita, kundi ay pautal-utal magsalita.) Mayroon siyang kaunting pangamba, na hindi siya mahusay magsalita, kundi ay pautal-utal magsalita. Pero nilabanan ba niya ang atas ng Diyos? Paano niya ito hinarap? Nagpatirapa siya. Ano ang ibig sabihin ng magpatirapa? Ibig sabihin nito ay magpasakop at tumanggap. Nagpatirapa siya nang lubos sa harap ng Diyos, walang pakialam sa kanyang personal na mga kagustuhan, at wala siyang binanggit na anumang mga paghihirap na maaaring naranasan niya. Anuman ang ipagawa ng Diyos sa kanya, gagawin niya ito agad-agad. Paano niya nagawang tanggapin ang atas ng Diyos kahit pa naramdaman niyang wala naman siyang magagawa? Dahil may tunay siyang pagtitiwala sa loob niya. Nagkaroon na siya ng ilang karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at usapin, at sa apatnapung taon na naranasan niya sa kaparangan, nalaman niya na makapangyarihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kaya, tinanggap niya ang atas ng Diyos nang may pananabik, at humayo siya para gawin ang iniatas ng Diyos sa kanya nang walang ibang salita pa tungkol dito. Ano ang ibig sabihing humayo siya? Nangangahulugan ito na nagkaroon siya ng tunay na pagtitiwala sa Diyos, at tunay na pag-asa sa Kanya, at tunay na pagpapasakop sa Kanya. Hindi siya nagpakaduwag, at hindi siya nagpasya nang sarili niya o sinubukang tumanggi. Sa halip, ganap siyang nagtiwala, at humayo siya para gawin ang iniatas ng Diyos sa kanya, na puno ng pagtitiwala. Pinaniwalaan niya ito: ‘Kung iniatas ito ng Diyos, matutupad ito kung gayon gaya ng sinasabi ng Diyos. Ѕinabi sa akin ng Diyos na ilabas ko ang mga Israelita mula sa Ehipto, kaya hahayo ako. Dahil ito ang iniatas ng Diyos, gagawa Siya, at bibigyan Niya ako ng lakas. Kailangan ko lang makipagtulungan.’ Ito ang naging kabatiran ni Moises. … Hindi mainam ang mga sitwasyon noong panahong iyon para sa mga Israelita o kay Moises. Sa perspektiba ng tao, ang akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto ay talaga namang isang imposibleng gampanin, dahil nasa hangganan ng Ehipto ang Dagat na Pula, at ang tawirin iyon ay magiging isang napakalaking hamon. Talaga nga bang hindi alam ni Moises kung gaano kahirap tuparin ang atas na ito? Sa kanyang puso, alam niya, pero sinabi lang niya na pautal-utal siyang magsalita, na walang makikinig sa kanyang mga salita. Sa puso niya, hindi niya tinanggihan ang atas ng Diyos. Nang sabihin ng Diyos kay Moises na akayin niya ang mga Israelita palabas ng Ehipto, nagpatirapa siya at tinanggap ito. Bakit hindi niya binanggit ang mga paghihirap? Ito ba ay dahil, matapos ang apatnapung taon sa kaparangan, hindi niya alam ang mga panganib sa mundo ng mga tao, o kung anong kalagayan ng mga bagay-bagay Ehipto, o ang kasalukuyang kinasasadlakan ng mga Israelita? Hindi ba niya nakikita nang malinaw ang mga bagay na iyon? Ganoon ba ang nangyayari? Talagang hindi. Si Moises ay matalino at maalam. Alam niyang lahat ang mga bagay na iyon, dahil personal niyang napagdaanan at naranasan ang mga ito sa mundo ng mga tao, at hindi niya malilimutan ang mga ito kailanman. Alam na alam na niya ang mga bagay na iyon. Kung gayon, alam ba niya kung gaano kahirap ang atas na ibinigay ng Diyos sa kanya? (Oo.) Kung alam niya, paano niya nagawang tanggapin ang atas na iyon? Nagtiwala siya sa Diyos. Sa tanang buhay niyang puno ng karanasan, naniwala siya sa walang hanggang kapangyarihan ng Diyos, kaya tinanggap niya ang atas na ito ng Diyos nang may pusong puno ng pagtitiwala at nang walang bahagya mang alinlangan. … Sabihin mo sa Akin, sa kanyang apatnapung taon sa kaparangan, nagawa ba ni Moises na maranasan na, sa Diyos, walang bagay na mahirap, at na nasa kamay ng Diyos ang tao? Naranasan niya iyon nang husto—iyon ang pinakatunay niyang karanasan. Sa apatnapung taon niya sa kaparangan, napakaraming bagay na nagdulot ng matinding panganib sa kanya, at hindi niya alam kung makaliligtas ba siya sa mga iyon. Araw-araw, nanlaban na sana siya para sa kanyang buhay at nanalangin sa Diyos para sa proteksyon. Iyon ang naging tangi niyang hiling. Sa apatnapung taong iyon, ang pinakamalalim niyang naranasan ay ang kataas-taasang kapangyarihan at proteksyon ng Diyos. Kalaunan, nang tinatanggap na niya ang atas ng Diyos, maaaring ang una niyang naramdaman ay: ‘Walang bagay na mahirap sa Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na magagawa ito, tiyak na magagawa ito. Dahil ibinigay sa akin ng Diyos ang ganitong atas, titiyakin Niyang matutupad ito—Siya mismo ang gagawa nito, hindi ang sinumang tao.’ Bago kumilos, ang tao ay dapat magplano at maghanda nang mas maaga. Dapat muna niyang asikasuhin ang mga bagay na dapat mauna. Dapat bang gawin ng Diyos ang mga bagay na ito bago Siya kumilos? Hindi Niya kailangang gawin ang mga ito. Ang bawat nilikha, gaano man kamaimpluwensiya, gaano man kahusay o kamakapangyarihan, gaano man kawalang kontrol, ay nasa kamay ng Diyos. Si Moises ay mayroong pagtitiwala, kaalaman, at karanasan ukol dito, kaya wala ni katiting na alinlangan o takot sa kanyang puso. Kaya naman, ang pagtitiwala niya sa Diyos ay talaga namang tunay at dalisay. Masasabi na napuspos siya ng pagtitiwala(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Tunay na Pagsunod Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pananampalataya ang Isang Tao). Nang mabasa ko ang salita ng Diyos, napagtanto ko na isa akong duwag na hindi nagtitiwala sa Diyos at na wala akong pananampalataya sa Diyos. Tinawag ng Diyos si Moises para pangunahan ang mga Israelita palabas ng Ehipto upang hindi na sila maging alipin. Walang hukbo si Moises para labanan ang Paraon, at napakahirap tapusin ng atas na ito, pero nagawa ni Moises na sundin ang salita ng Diyos, at naniwala siya na personal na aakayin ng Diyos ang Kanyang mga tao palabas ng Ehipto. Muling nagbabalik-tanaw sa sarili ko, nakita kong napakaraming trabaho ang hindi ko kayang gawin, kaya ginusto kong isantabi ang tungkuling ito dahil pakiramdam ko’y masyado akong nagigipit, na pabigat sa akin ang tungkuling ito, at na hindi ko ito matatapos. Hindi ako nagtiwala sa Diyos, at wala akong pananampalataya sa Diyos. Nananalig lang ako sa sarili kong limitadong abilidad. Akala ko na ang kakayahan kong gawin nang mabuti ang gawain ko ay may kinalaman sa kakayahan at karanasan ko. Hindi ako nanalig na ang gawain ay ginagawang lahat ng Diyos at sumusuporta lang tayo. Naging mayabang talaga ako. Nagampanan ko ang tungkuling iyon dahil sa pahintulot ng Diyos. Ang lahat ay pinamamahalaan at isinasaayos ng Diyos. Kailangan kong magkaroon ng pananampalataya para makipagtulungan nang praktikal. Mula ngayon, hindi ko na pwedeng tanggihan ang tungkuling ito. Naniniwala ako na hangga’t umaasa ako sa Diyos at bumabaling sa Kanya, gagabayan at tutulungan Niya ako, tutulutan akong maunawaan ang katotohanan at lahat ng uri ng prinsipyo sa paggawa ng mga tungkulin sa gitna ng lahat ng uri ng paghihirap, at unti-unti kong magagawa nang maayos ang aking tungkulin. Natutunan ko rin na ang pagkakaroon ng pagkakataong magawa ang tungkuling ito ay pagbibigay sa akin ng Diyos ng pagkakataong makapagsagawa, at sa pamamagitan nito ay pinatitibay ang aking pananampalataya at pinalalakas ang aking mga kahinaan, upang maisabalikat ko ang mas mabibigat na pasanin at magawa ang responsabilidad ko, na pagbibigay sa akin ng Diyos ng pabor.

Simula ng magkaroon ng mga problema sa tubig, kuryente, internet, at ekonomiya sa Venezuela sa mga nagdaang taon, kailangan naming magsumikap nang higit sa nakagawian para suportahan ang mga pamilya namin. Aalis kami ng ama ko para mangisda tuwing alas-tres ng madaling-araw, at mga alas tres o alas kwatro pa kami ng hapon makababalik. Pagod na pagod ako sa paglutang sa dagat buong araw, pero pag-uwi ko, ayokong magpahinga dahil napakarami ko pang hindi kayang gawin sa tungkulin, at kailangan kong gumugol ng mas maraming oras sa pag-aaral, pagsasangkap sa sarili ko, at pagbawi sa mga pagkukulang ko para magampanan ko nang tama ang tungkulin ko. Kung hindi ko gagampanan nang maayos ang tungkulin ko, mabibigo ko ang Diyos. Naisip ko ang mga banal noong Kapanahunan ng Biyaya. Sumunod sila sa Panginoong Jesus, ipinalaganap ang ebanghelyo, ginawa ang kanilang mga tungkulin, dumanas ng maraming paghihirap at panganib, at labis na nagdusa. Paano man lang maikukumpara ang kaunting pagdurusa ko? Kaya, ang unang ginagawa ko pagkauwi ko araw-araw ay kunin ang cellphone ko at tingnan kung anong gawain at mga pagtatalaga ang nandun. Nagpapadala rin ako ng mga mensahe sa mga kapatid, tinatanong sila kung nagkakaroon sila ng anumang paghihirap. Kung may sinumang hindi alam kung paano gampanan ang kanyang tungkulin, tinutulungan ko siya at sinasabi sa kanya kung ano ang natutuhan ko habang ginagawa ang tungkulin ko. Sa pagganap ng tungkulin ko, nagsimula akong matuto na umasa sa Diyos, at kapag nagdaraan ang mga kapatid ko sa mga paghihirap, nananalangin ako sa Diyos na gabayan ako, at tulutan akong mahanap ang mga salita ng Diyos na makatutulong sa kanila. Matapos ibahagi ang mga salita ng Diyos at bahaginan sila tungkol sa karanasan at pagkaunawa ko, medyo nagbabago ang mga kalagayan nila. Sa pagtulong sa mga kapatid, naging mas malinaw pa ang pag-unawa ko sa katotohanan kaysa dati. Sa pagdanas nito, nakita ko na sa kahit anong paghihirap, basta’t buong-puso tayong umaasa sa Diyos, palagi Niya tayong gagabayan. Bagamat araw-araw ay tumitindi ang mga paghihirap, hindi na ako gaanong mahina gaya nung una. Pero hindi nagtagal, naharap ako sa isa pang malaking problema. Dahil sa mahinang internet sa kinaroroonan ko, hindi ko magawang regular na makipagtipon o makipag-usap sa aking mga kapatid, at hindi ko magampanan ang tungkulin ko. Alam kong hindi ko kontrolado ang problemang ito, kaya nanalangin ako sa Diyos nang matagal, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa bagay na ito. Pagkatapos magdasal, unti-unti akong kumalma. Tapos ay nabasa ko ang salita ng Diyos: “Kapag lugmok na lugmok ka sa iyong pinamahirap na panahon, kapag hindi mo masyadong nararamdaman ang Diyos, kapag nakakaramdam ka ng labis na sakit at pag-iisa, kapag pakiramdam mo ay tila ba malayo ka sa Diyos, ano ang isang bagay na talagang dapat mong gawin nang higit sa lahat? Tumawag ka sa Diyos. Ang pagtawag sa Diyos ay nagbibigay sa iyo ng lakas. Ang pagtawag sa Diyos ay nagpaparamdam sa iyo ng pag-iral Niya. Ang pagtawag sa Diyos ay nagpaparamdam sa iyo ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kapag tumatawag ka sa Diyos, nananalangin sa Diyos, at ipinauubaya mo ang iyong buhay sa mga kamay ng Diyos, mararamdaman mo na nasa tabi mo ang Diyos at na hindi ka Niya inabandona. Kapag nararamdaman mong hindi ka Niya inabandona, kapag tunay mong nararamdaman na Siya ay nasa tabi mo, lalago ba ang iyong tiwala? Kung ikaw ay may tunay na pagtitiwala, hihina ba ito at maglalaho sa paglipas ng panahon? Talagang hindi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Tunay na Pagsunod Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pananampalataya ang Isang Tao). Kapag nahihirapan ka, tumawag ka sa Diyos sa puso mo, at magkakaroon ka ng pananampalataya at lakas. Limitado ang mga kakayahan ng mga tao. Hindi natin kayang makita ang mga bagay na lagpas sa naaabot ng paningin natin, kaya lagi tayong natatakot sa mga paghihirap na lumilitaw sa harap natin. Ang Diyos ang namamahala sa lahat ng bagay, at hangga’t taos-puso tayong sumasandig sa Diyos, gagabayan tayo ng Diyos at tutulungan tayong magampanan ang ating mga tungkulin. Binigyan ako ng pananampalataya at lakas ng salita ng Diyos. Hindi ako pwedeng mabigong gawin ang tungkulin ko sa harap ng maraming paghihirap. Kailangan kong magdasal at sumandig sa Diyos para malampasan ang mga paghihirap na ito, at lalo pang magsumikap sa pagganap ng aking tungkulin. Kaya nagsimula akong lumabas sa kalye para maghanap ng mas malakas na koneksyon sa internet na magbibigay-daan sa akin na makapagtipon nang normal. Minsan kapag nagho-host ako ng pagtitipon, lumalabas ako sa kalye nang mga 8 p.m., at umuuwi lamang bandang alas-diyes y media o alas-onse kapag natapos na ang pagtitipon. Takot na takot ako sa daan pauwi dahil nakatira ako sa isang mapanganib na lugar, at natatakot ako na baka may magnakaw ng cellphone ko, kapag nagkaganoon ay hindi ako makapagpapatuloy sa pakikipagtipon o pagganap sa tungkulin ko. Madalas akong manalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas na magpatuloy sa gitna ng paghihirap. Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng mensahe. Nalaman ng isa sa mga brother ang sitwasyon ko at nagkusa siyang padalhan ako ng mensahe: “Brother, alam kong nahihirapan ka ngayon, at na lumalabas ka sa mga lansangan sa dis-oras ng gabi para gawin ang tungkulin mo. Lubhang mapanganib ito. Mayroon akong bisikleta, at pwede ko itong ipahiram sa iyo kapag kailangan mo ito. Magiging mas madali para sa iyo na lumibot.” Napuno ako ng labis na pasasalamat sa Diyos. Marami akong natutuhan sa mga paghihirap na ito, at natutuhan ko ring umasa sa Diyos. Napagtanto ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at na ang Diyos ang nagsasaayos ng mga kapaligiran para sa lahat. Nakita ko talaga ang mga pagkilos ng Diyos, at mas matibay na ang pananampalataya ko sa Diyos ngayon. Kapag dumaranas ang iba ng mga paghihirap na gaya ng mga naranasan ko, nagbabahagi ako sa kanila ng salita ng Diyos, at nagbabahagi ako ng ilan sa sarili kong karanasan para tulungan sila at bigyan sila ng pananampalataya sa Diyos.

Pagkauwi ko mula sa pangingisda araw-araw, nananatili ako sa bahay at nagbabasa ng salita ng Diyos, at kapag oras na para magtipon, nagbibisikleta ako sa mga kalye para maghanap ng lugar na may malakas na internet. Sa tuwing nananalangin ako sa Diyos, nananalangin ako na gabayan ako ng Diyos sa paggawa nang mas mabuti sa tungkulin ko. Hindi na ako nag-aalala sa mahirap kong sitwasyon. Nais ko lang gawin nang mabuti ang tungkulin ko ayon sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos. Kahit pa kailanganin kong humarap sa maraming suliranin, handa akong sumunod sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, para maranasan ang kapaligiran na isinaayos ng Diyos para sa’kin, at hangaring palugurin ang puso ng Diyos. Pagkalipas ng ilang panahon, tinulungan ako ng mga kapatid na makahanap ng angkop na tahanan na may mas malakas na internet. Lubos akong nagpapasalamat sa Makapangyarihang Diyos dahil dito, mas nagagawa ko nang mabuti ang tungkulin ko, at sa ilalim ng patnubay ng Diyos, malaki ang naging pag-usad ng tungkulin ko. Pagkatapos niyon, sinabi ulit sa akin ng lider na magiging responsable ako sa mas marami pang gawain, na mas bibigat pa ang pasanin ko, na mas darami pa ang gawain, at na kakailanganin kong alagaan at tulungan ang mas marami pang kapatid. Pero wala na akong anumang mga pag-aalala o reklamo. Hangga’t patuloy akong nagtitiwala at sumasandig sa Diyos, gagabayan ako ng Diyos at tutulungan akong magawa nang tama ang tungkulin ko.

Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas bibigat ang iyong pasanin, at kapag mas mabigat ang iyong pasanin, mas yayaman ang iyong karanasan. Kapag isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng isang pasanin, at pagkatapos ay liliwanagan ka tungkol sa mga gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag ibinigay ng Diyos ang pasaning ito sa iyo, papansinin mo ang lahat ng nauugnay na katotohanan habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos. Kung mayroon kang pasanin na may kaugnayan sa kalagayan sa buhay ng iyong mga kapatid, ito ay isang pasanin na naipagkatiwala sa iyo ng Diyos, at palagi mong dadalhin ang pasaning ito sa iyong mga dalangin sa araw-araw. Ang ginagawa ng Diyos ay naipagkatiwala na sa iyo, at handa kang isakatuparan yaong nais gawin ng Diyos; ito ang ibig sabihin ng dalhin na parang iyo ang pasanin ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto). “Sa maraming pagkakataon, ang mga pagsubok ng Diyos ay mga pasaning ibinibigay Niya sa mga tao. Gaano man kabigat ang pasaning ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, iyon ang bigat ng pasaning dapat mong isagawa, sapagkat nauunawaan ka ng Diyos, at alam Niya na kakayanin mo iyon. Ang pasaning bigay sa iyo ng Diyos ay hindi hihigit sa iyong tayog o sa mga limitasyon ng iyong pagtitiis, kaya walang duda na makakayanan mong tiisin iyon. Anumang uri ng pasanin ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, anumang uri ng pagsubok, tandaan mo ang isang bagay: Nauunawaan mo man o hindi ang kalooban ng Diyos at binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka man o hindi ng Banal na Espiritu pagkatapos mong manalangin, dinidisiplina o binabalaan ka man ng Diyos sa pagsubok na ito o hindi, hindi mahalaga kung hindi mo ito nauunawaan. Basta’t hindi ka nagpapaliban sa pagganap sa iyong tungkulin at tapat mong natutupad ang iyong tungkulin, malulugod ang Diyos, at maninindigan ka sa iyong patotoo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay Tungkol sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi tayo bibigyan ng Diyos ng mga dalahin na hindi natin kayang pasanin, na alam ng Diyos ang mga tayog natin at kung ano ang kaya nating gawin. Habang mas handa tayong sundin ang kalooban ng Diyos at mas higit ang pasanin natin sa mga tungkulin natin, mas yumayaman ang ating mga karanasan at mas lumalalim ang ating pag-unawa sa Diyos. Matapos pagdaanan ang mga paghihirap na ito, nauunawaan ko na ngayon na sa mga oras ng paghihirap, mas makikilala ko ang sarili ko at ang mga kilos ng Diyos, at na magkakaroon ako ng higit na pananampalataya sa Diyos. Nung kasisimula ko pa lang gawin ang tungkuling ito, wala akong pananampalataya, hindi ko alam kung paano magdasal at umasa sa Diyos, at hindi ako humihingi ng patnubay sa Kanya. Sinisikap ko lang na umasa sa sarili kong mga talento para gawin ang tungkulin ko. Matapos basahin ang salita ng Diyos at maunawaan ang Kanyang kalooban, nagkaroon ako ng pananampalataya at nagsikap ako sa tungkulin ko. Madalas akong nagdarasal at sumasandig sa Diyos, at naghahanap ako at nakikipagniig sa mga lider, nagkakaroon ng kamalayan sa mga prinsipyong nauugnay sa paggawa ng aking tungkulin, pati na sa ilang landas at kurso kung pa’no gampanan ang gawain ng iglesia. Matapos danasin ang mga bagay na ito, wala na ako sa negatibong kalagayan, at hindi ko na nararamdaman na hindi ko kayang gawin nang maayos ang tungkulin ko. Kapag nangyayari sa akin ang mga bagay-bagay araw-araw, natututo akong hanapin ang katotohanan, isakatuparan nang tama ang aking tungkulin nang may kasipagan, at kapag dumaranas ako ng mga paghihirap, nananalangin ako sa Diyos, at ginagabayan at tinutulungan ako ng Diyos na malampasan ang lahat ng sitwasyon at paghihirap na ito. Hindi ko na rin nararamdaman na napakalaki ng mga problema o alalahanin ko. Kung hindi ko pinagdaanan ang mga paghihirap na ito, hindi sana ako mabibigyang-liwanag ng Diyos, hindi sana ako magkakaroon ng mga pagkakatanto at pakinabang na ito ito, lalong hindi ako magkakaroon ng tunay na karanasan. Kung ganoon, hindi ko magagawa nang tama ang tungkulin ko. Nauunawaan ko na ngayon ang salita ng Diyos na nagsasabing: “Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas bibigat ang iyong pasanin, at kapag mas mabigat ang iyong pasanin, mas yayaman ang iyong karanasan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto). Sabik akong magdala ng mas maraming pasanin para masuklian ang pagmamahal ng Diyos.

Sa panahon ngayon, maraming suliranin ang Venezuela sa ekonomiya, serbisyong pampubliko, at internet. Bagamat minsan ay nakararamdam ako ng pamomroblema, natutuhan ko nang asahan at hanapin ang Diyos, at sumampalataya sa Kanya. Kung hindi ko naranasan ang mga paghihirap na ito, hindi ko mauunawaan ang kahalagahan ng paggawa ng aking tungkulin o kung paano hanapin ang Diyos sa gitna ng paghihirap. Salamat sa Diyos sa pagtutulot sa aking makamit ang mga pakinabang at matamo ang kaalamang ito.

Sinundan: 41. Kailangan ba ng Katayuan Para Maligtas?

Sumunod: 43. Pagkatapos ng Pagpanaw ng Aking Asawa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito