Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

Nakaupo kayong lahat sa mga luklukan ng kagarbohan, pinangangaralan sila na mga nakababatang salinlahi ng inyong uri at pinauupo silang lahat kasama mo. Hindi ninyo alam na ang “mga inapo” ninyo ay matagal nang naubusan ng hininga at naiwala ang gawain Ko. Nagniningning ang luwalhati Ko mula sa lupain ng Silangan hanggang sa lupain ng Kanluran, gayon pa man sa paglaganap nito hanggang sa mga dulo ng lupa at sa pagsisimula nitong bumangon at magningning, kukunin Ko ang luwalhati Ko mula sa Silangan at dadalhin ito sa Kanluran upang ang mga tao ng kadiliman, na tinalikuran Ako sa Silangan, ay pagkakaitan ng pagtanglaw mula sa sandaling iyon. Kapag nangyari iyon, mamumuhay kayo sa lambak ng anino. Bagamat ang mga tao sa mga araw na ito ay isandaang beses na mas mabuti kaysa noon, hindi pa rin nila natutugunan ang mga hinihingi Ko, at hindi pa rin sila isang patotoo sa luwalhati Ko. Ang pagiging isandaang beses na mas mabuti ninyo kaysa noon ay resultang lahat ng gawain Ko; ito ang bungang dala ng gawain Ko sa lupa. Gayunman, nakararamdam pa rin Ako ng pagkasuklam sa mga salita at gawain ninyo, pati na rin sa pagkatao ninyo, at nakararamdam Ako ng labis na paghihinanakit sa paraan ng pagkilos ninyo sa harap Ko, dahil wala kayong anumang pagkaunawa sa Akin. Kung gayon, paano ninyo maisasabuhay ang luwalhati Ko, at paano kayo magiging lubusang matapat sa gawain Ko sa hinaharap? Napakaganda ng pananampalataya ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo sa ngalan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang mga buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katotohanang ubod ng sama ng aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit naroroon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga dangal nila. Nawasak na ang mga dangal ninyo, malahayop ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga buhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay lumubog na sa hamak na kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtalo kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na sa Akin ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy na makasalanan kayo. Ang saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay husto na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng mga disposisyon ninyo ay sapat na upang masabing kayo ay ang mga marurungis na kaluluwang puno ng mga karimarimarim na bagay. Ang mga ipinamamalas ninyo at kung ano ang ibinubunyag ninyo ay husto na upang sabihing mga tao kayong nakainom ng labis na dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian, hindi ninyo ibinubunyag ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayong kung ano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok sa pultahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakapasok kayo sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna nasusubok ang sarili ninyong mga salita at mga gawa? Sino ang makapagtatakip sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Natukoy Ko na ang mga buhay ninyo bilang mga buhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman nila na maruruming espiritu sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, masyadong masama ang pag-uugali ninyo, kaya paano Ko kayo hindi maituturing na nakasusuklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanlilinlang, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya nila na nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya nila na taksil at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Ubod ng baliko ang lahat ng mga pagpapahayag ng tao, kaya paano mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang mga matuwid? Iniisip mo bang ituturing kang banal dahil sa kasuklam-suklam mong pag-uugali kumpara sa kanila na hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at gumagawa ng mga karimarimarim na bagay, at ang mga kamay mong iyon na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din kalaunan ang kaluluwa mo sa impiyerno. Kung gayon, bakit hindi ka lumulukso sa pagkakataong ito na linisin ang mga kamay mong puno ng dungis? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito na putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng hindi matuwid na mga salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Binabantayan Ko ng dalawang mata ang puso ng lahat, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang mga puso nila sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang natalos ang mga puso ng mga tao, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli upang makatakas sila sa pagsunog ng Espiritu Ko?

Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas masama kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasing ganda maging ng mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, gayon pa man hindi mas mabuti ang puso mo kaysa sa kanila, at tiyak na hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong taksil ang puso mo! Ang mga bagay na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi lamang ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang mga hinihingi Ko sa mga tao ay hindi mas mataas sa anumang paraan kaysa sa inaasahan Ko sa mga banal; nakararamdam lamang Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawain ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang itakwil ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang suliranin upang umangat sila mula sa kanila na hindi matuwid at mamuhay at maging banal kasama nila na matuwid. Kayo ay nasa kalagayang katulad ng sa Akin, gayon pa man nababalot kayo ng dungis; hindi man lamang kayo nagtataglay ni katiting ng pinakaunang wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod dito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang tulad nila na maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng mga bahagi ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang bahagi ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong makadurog-puso! Namumuhay kayo sa ganitong daigdig ng mga kabayo at baka, gayon pa man ay hindi talaga kayo nakararamdam ng ligalig; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa paligid ng mabahong tubig na iyon, gayon pa man hindi mo talaga napagtatantong nahulog ka na sa gayong suliranin. Bawat araw, nakikisama ka sa maruruming espiritu at nakikipag-ugnayan sa “dumi ng tao.” Talagang bulgar ang mga buhay ninyo, gayon pa man hindi mo talaga namamalayang lubos kang hindi umiiral sa daigdig ng mga tao at na hindi ikaw ang nagkokontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang pagkatao mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa panlupang paraiso, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na namuhay ka ng isang buhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na magkasama kayong umiral kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kahulugan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na maruruming espiritu, gayon pa man wala ka talagang hinagap na ang mga sumisilo sa iyo ay sila na mga magulang na maruruming espiritu na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod dito, lingid sa kaalaman mong ang lahat ng dungis mo sa katunayan ay ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lamang ay na maaari ka nilang dalhan ng “pagtatamasa,” hindi ka nila kinakastigo, ni hindi ka nila hinahatulan, at lalong hindi ka nila sinusumpa. Hindi pa kailanman sila pumutok sa galit sa iyo, ngunit tinatrato ka nila nang may paggiliw at kabaitan. Ang mga salita nila ay bumubusog sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa malito ka at, nang hindi ito napagtatanto, ikaw ay idinamay na nila at handa nang maglingkod sa kanila at nagiging labasan ng sama ng loob at tagasilbi nila. Wala kang anumang karaingan, ngunit handa kang gumawa para kanila na parang mga aso, parang mga kabayo; nilinlang ka nila. Sa dahilang ito, ganap na wala kang reaksyon sa gawaing isinasakatuparan Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na humingi ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Maaari mong makita nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang hinagap kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay kung paano Ako dayain—gayon pa man hindi mo alam na hindi Ako magpaparaya sa anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon na paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na mapanibugho, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa dambana, hindi Ko kukunsintihin ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko kukunsintihin na naglilingkod ka sa dalawang panginoon. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang pagmamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa dambana Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na gawin Akong isang hangal sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-basta gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakagagawa ng mga panunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring pumanaw ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa katapusan, parurusahan Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayunman, naniniwala kayong magagawa ninyong makitungo sa Akin sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa maruruming espiritu at masasamang espiritu ang mga puso ninyo. Paano makapagpaparaya ang galit Ko sa kanila na malaaso at malababoy na mga taong dinaraya Ako? Dapat Kong isakatuparan ang mga atas administratibo Ko, at agawin pabalik mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “relihiyoso” na mayroong pananampalataya sa Akin upang maaari silang “maghintay” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking baka, maging Aking mga kabayo, at maging nasa awa ng Aking pagkakatay. Ipag-uutos Ko sa iyong ibalik ang dati mong determinasyon at muling paglingkuran Ako. Hindi Ako magpaparaya sa anumang nilikhang nanlilinlang sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang taros na gumawa ng mga hiling at magsinungaling sa harapan Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paano mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko mapahihintulutan ang mga tao na linlangin Ako na katulad niyan?

Nasa gitna na ninyo Ako, nakikisalamuha sa inyo sa loob ng ilang tagsibol at taglagas; namuhay na Ako sa gitna ninyo sa loob ng matagal na panahon, at namuhay kasama ninyo. Gaano karami sa kasuklam-suklam ninyong pag-uugali ang nakalampas sa mismong harapan ng mga mata Ko? Patuloy na umaalingawngaw sa mga tainga Ko ang mga taos-puso ninyong mga salita; milyun-milyon ng mga mithiin ninyo ang nailatag na sa dambana Ko—masyadong marami upang mabilang. Gayunman, sa inyong dedikasyon at ayon sa kung ano ang ginugugol ninyo, hindi kayo nagbibigay nang kahit karampot. Hindi man lamang kayo naglalagay ng kahit isang munting patak ng katapatan sa dambana Ko. Nasaan ang mga bunga ng paniniwala ninyo sa Akin? Nakatanggap kayo ng walang-hanggang biyaya mula sa Akin, at nakakita kayo ng walang-hanggang mga hiwaga mula sa langit; ipinakita Ko pa sa inyo ang mga apoy ng langit, ngunit hindi Ko maatim na sunugin kayo. Gayon man, gaano karami ang naibigay ninyo sa Akin bilang kapalit? Gaano karami ang handa kayong ibigay sa Akin? Sa pamamagitan ng pagkaing ibinigay Ko sa iyo na nasa kamay mo, bumaling ka at iniaalay ito sa Akin, kahit umaabot pang sabihing isa itong bagay na nakuha mo kapalit ng pawis ng pinaghirapan mo at na iniaalay mo sa Akin ang lahat ng pag-aari mo. Paanong hindi mo alam na ang “mga ambag” mo sa Akin ay ang lahat ng ninakaw mo lamang mula sa dambana Ko? Bukod dito, ngayon na iniaalay mo ang mga iyan sa Akin, hindi mo ba Ako dinadaya? Paanong hindi mo alam na ang tinatamasa Ko ngayon ay lahat ng mga handog sa dambana Ko, at hindi kung ano ang kinita mo mula sa pagsisipag mo at pagkatapos ay inialay sa Akin? Talagang nangangahas kayong dayain Ako sa ganitong paraan, kaya paano Ko kayo mapapatawad? Paano ninyo nagagawang umasa na matitiis Ko pa ito nang mas matagal? Naibigay Ko na ang lahat-lahat sa inyo. Nabuksan Ko na ang lahat-lahat sa inyo, nagtustos para sa mga pangangailangan ninyo, at binuksan ang mga mata ninyo, gayon pa man ay dinadaya ninyo Ako na katulad nito, binabalewala ang mga budhi ninyo. Walang pag-iimbot Kong iginawad ang lahat-lahat sa inyo upang kahit pa nagdurusa kayo, nagkamit pa rin kayo mula sa Akin ng lahat-lahat ng nadala Ko mula sa langit. Sa kabila nito, wala kayong dedikasyon sa anumang paraan, at kahit na nakagawa kayo ng munting ambag, sinusubukan ninyong “makipag-ayos ng mga talaan” sa Akin pagkatapos. Hindi ba ang ambag mo ay mawawalan ng halaga? Ang naibigay mo sa Akin ay isang butil lamang ng buhangin, gayon pa man ang hiningi mo sa Akin ay isang toneladang ginto. Hindi ka ba nagiging wala sa katwiran? Gumagawa Ako sa gitna ninyo. Lubos na walang bakas ng sampung porsiyentong dapat Akong mabigyan, lalo na ng anumang karagdagang mga sakripisyo. Higit pa rito, ang sampung porsiyentong iyon na iniambag nila na tapat ay sinunggaban ng masasama. Hindi ba kayo nakakalat na lahat mula sa Akin? Hindi ba kayo palatutol na lahat sa Akin? Hindi ba ginigiba ninyong lahat ang dambana Ko? Paano makikita bilang mga kayamanan sa mga mata Ko ang gayong mga tao? Hindi ba sila mga baboy at mga asong kinamumuhian Ko? Paano Ko ituturing ang paggawa ninyo ng masama bilang isang kayamanan? Para kanino talaga ang ginagawa Ko? Maaari bang ang layunin nito ay para lamang hampasin kayong lahat upang ibunyag ang awtoridad Ko? Hindi ba ang mga buhay ninyo ay nakasalalay lahat sa iisang salita mula sa Akin? Bakit kaya gumagamit lamang Ako ng mga salita upang tagubilinan kayo, at hindi ginawang mga katotohanan ang mga salita upang hampasin kayo sa lalong madaling panahon na kaya Ko? Ang layunin ba ng mga salita at gawain Ko ay para lamang hampasin ang sangkatauhan? Isa ba Akong Diyos na walang habas na pumapatay ng mga walang sala? Sa ngayon, ilan sa inyo ang pumupunta sa harap Ko sa inyong buong pagkatao upang maghangad ng tamang landas sa buhay ng mga tao? Ito lamang mga katawan ninyo ang nasa harapan Ko; nakatakas pa rin ang mga puso ninyo, at malayung-malayo sa Akin. Sapagkat hindi ninyo alam kung ano talaga ang gawain Ko, mayroong ilan sa inyong nais na lisanin Ako at ilayo ang mga sarili ninyo mula sa Akin, at sa halip ay umaasa na mamumuhay sa isang paraisong walang pagkastigo o paghatol. Hindi ba ito ang hinahangad ng mga tao sa mga puso nila? Tiyak na hindi Ko sinusubukang pilitin ka. Anumang landas ang tatahakin mo ay sarili mong kagustuhan. Ang landas ngayon ay may kasamang paghatol at mga sumpa, ngunit dapat malaman ninyong lahat na ang lahat ng iginawad Ko sa inyo—maging mga paghatol man ito o mga pagkastigo—ay ang mga pinakamahusay na kaloob na maipagkakaloob Ko sa inyo, at ang lahat ng mga ito ay mga bagay na kailangang-kailangan na ninyo.

Sinundan: Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Sumunod: Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito