Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng iglesia sa ngayon? Mayroon ka bang matatag na pagkaunawa sa tanong na ito? Ano ang pinakamalalaking paghihirap ng iyong mga kapatid? Ano ang pinakakulang sa kanila? Sa kasalukuyan, may ilang tao na negatibo sa gitna ng mga pagsubok, at ang ilan ay nagrereklamo pa. Ang ibang mga tao ay hindi na sumusulong pa sapagkat ang Diyos ay tapos nang magsalita. Ang mga tao ay hindi pa nakapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos. Hindi nila kayang mamuhay nang mag-isa, at hindi nila mapanatili ang kanilang sariling espirituwal na buhay. Ang ilang tao ay sumusunod at nagpapatuloy nang may sigla, at handang magsagawa kapag nagsasalita ang Diyos, ngunit kapag hindi nagsasalita ang Diyos, hindi na sila sumusulong. Hindi pa rin naiintindihan ng mga tao ang kalooban ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso at wala silang likas na pagmamahal para sa Diyos; noong araw sumunod sila sa Diyos dahil napilitan sila. Ngayon mayroong ilang tao na sawa na sa gawain ng Diyos. Hindi ba nanganganib ang gayong mga tao? Napakaraming taong nabubuhay sa isang kalagayang makaraos lang. Bagama’t kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos at nagdarasal sa Kanya, ginagawa nila iyon nang walang sigasig, at wala na silang sigla na tulad ng dati. Karamihan sa mga tao ay hindi interesado sa gawain ng pagpipino at pagperpekto ng Diyos, at talagang parang palaging walang sigla ang kanilang kalooban. Kapag nadaraig sila ng mga paglabag, hindi nila nadarama na may utang na loob sila sa Diyos, ni wala silang kamalayan na magsisi. Hindi nila hinahanap ang katotohanan o iniiwan ang iglesia, at sa halip ay naghahangad lamang sila ng mga panandaliang kasiyahan. Ang mga taong ito ay hangal, at napakabobo! Pagdating ng panahon, palalayasin silang lahat, at wala ni isa ang maliligtas! Palagay mo ba kung naligtas ang isang tao nang minsan ay palagi na silang ligtas? Puro kalokohan ang paniniwalang iyan! Lahat ng hindi naghahangad ngbuhay pagpasok ay kakastiguhin. Karamihan sa mga tao ay lubos na walang interes sa buhay pagpasok, sa mga pangitain, o sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi nila hinahangad na makapasok, at tiyak na hindi nila hinahangad na makapasok nang mas malalim. Hindi ba nila sinisira ang kanilang sarili? Sa ngayon, may isang bahagi ng mga tao na ang mga kalagayan ay laging paganda nang paganda. Habang lalong gumagawa ang Banal na Espiritu, lalo silang nagkakaroon ng tiwala; habang lalong nadaragdagan ang kanilang karanasan, lalo nilang nadarama ang malalim na hiwaga ng gawain ng Diyos. Habang nakakapasok sila nang mas malalim, lalo silang nakakaunawa. Nadarama nila na napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at napapanatag at naliliwanagan ang kanilang kalooban. May pagkaunawa sila sa gawain ng Diyos. Sila ang mga taong ginagawaan ng Banal na Espiritu. Sinasabi ng ilang tao: “Bagama’t walang mga bagong salita mula sa Diyos, kailangan ko pa ring hangaring lumalim pa ang pagkaalam ko sa katotohanan, kailangan kong maging masigasig tungkol sa lahat ng bagay sa aking aktuwal na karanasan at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos.” Ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu. Bagama’t hindi ipinakikita ng Diyos ang Kanyang mukha at nakatago Siya mula sa bawat tao, at bagama’t hindi Siya bumibigkas ni isang salita at may mga pagkakataon na dumaranas ang mga tao ng kaunting pagpipino ng kalooban, hindi pa lubusang iniwan ng Diyos ang mga tao. Kung hindi mapanatili ng isang tao ang katotohanang dapat nilang isagawa, hindi nila tataglayin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa panahon ng pagpipino, ng hindi pagpapakita ng Diyos ng Kanyang Sarili, kung wala kang tiwala kundi sa halip ay sumusukut-sukot ka, kung hindi ka nakatuon sa pagdanas ng Kanyang mga salita, tumatakas ka mula sa gawain ng Diyos. Kalaunan, isa ka sa mga palalayasin. Yaong mga hindi naghahangad na makapasok sa salita ng Diyos ay hindi maaaring tumayong saksi para sa Kanya. Ang mga taong nagagawang patotohanan ang Diyos at palugurin ang Kanyang kalooban ay lubos na umaasang lahat sa kanilang siglang hangarin na matamo ang mga salita ng Diyos. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos sa mga tao una sa lahat ay upang tulutan silang makamit ang katotohanan; ang paghikayat sa iyo na maghangad ng buhay ay para sa kapakanan ng pagpeperpekto sa iyo, at lahat ng ito ay upang gawin kang angkop na kasangkapanin ng Diyos. Ang iyong hinahangad lamang ngayon ay ang makinig sa mga hiwaga, makinig sa mga salita ng Diyos, magpista ang iyong mga mata, at tumingin sa paligid upang makita kung may anumang bago o uso, at sa gayon ay masiyahan ang iyong pag-uusisa. Kung ito ang layunin sa iyong puso, walang paraan para matugunan mo ang mga hinihiling ng Diyos. Yaong mga hindi naghahangad ng katotohanan ay hindi makakasunod hanggang sa kahuli-hulihan. Sa ngayon, hindi sa walang ginagawa ang Diyos, kundi sa halip ay hindi nakikipagtulungan ang mga tao sa Kanya, dahil sawa na sila sa Kanyang gawain. Nais lamang nilang marinig ang mga salitang binibigkas Niya upang magkaloob ng mga pagpapala, at ayaw nilang makinig sa mga salita ng Kanyang paghatol at pagkastigo. Bakit kaya? Ito ay dahil ang mga pagnanais ng mga tao na magtamo ng mga pagpapala ay hindi pa natutupad at sa gayon ay naging negatibo at mahina sila. Hindi sa sadyang hindi tinutulutan ng Diyos ang mga tao na sundan Siya, ni sadya Siyang nagpapadala ng mga dagok sa sangkatauhan. Ang mga tao ay negatibo at mahina dahil lamang sa ang kanilang mga layunin ay hindi wasto. Ang Diyos ay ang Diyos na nagbibigay ng buhay sa tao, at hindi Niya maaaring dalhin ang tao sa kamatayan. Ang pagiging negatibo, mga kahinaan, at pagbalik ng mga tao sa dati ay pawang sarili nilang kagagawan.

Ang kasalukuyang gawain ng Diyos ay naghahatid sa mga tao ng kaunting pagpipino, at yaon lamang mga nakakayang manindigan kapag tinatanggap nila ang pagpipinong ito ang magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Gaano man Niya ikubli ang Kanyang Sarili, sa hindi man pagkibo o hindi paggawa, maaari ka pa ring maghangad nang may sigla. Kahit sinabi ng Diyos na itatakwil ka Niya, susunod ka pa rin sa Kanya. Ito ang pagtayong saksi para sa Diyos. Kung ikukubli ng Diyos ang Kanyang Sarili sa iyo at titigil ka sa pagsunod sa Kanya, pagtayong saksi ba ito para sa Diyos? Kung ang mga tao ay hindi talaga papasok, wala silang aktuwal na tayog, at kapag nakasagupa talaga sila ng isang matinding pagsubok ay matutumba sila. Kapag hindi nagsasalita ang Diyos, o gumagawa nang hindi naaayon sa iyong sariling mga pagkaintindi, bumabagsak ka. Kung kasalukuyang kumikilos ang Diyos ayon sa iyong sariling mga pagkaintindi, kung napapalugod Niya ang iyong kalooban at nagagawa mong manindigan at magpatuloy nang may sigla, ano ang magiging pundasyon ng iyong buhay? Sinasabi Ko na maraming taong nabubuhay sa paraang lubos na umaasa sa pag-uusisa ng tao. Talagang hindi tapat sa puso nila ang maghangad. Lahat ng mga hindi naghahangad na makapasok sa katotohanan kundi umaasa lang sa kanilang pag-uusisa sa buhay ay kasuklam-suklam na mga tao, at nanganganib sila! Ang iba’t ibang klase ng gawain ng Diyos ay isinasagawang lahat upang maperpekto ang sangkatauhan. Gayunman, palaging nag-uusisa ang mga tao, gusto nilang makibalita tungkol sa tsismis, nag-aalala sila tungkol sa mga kasalukuyang nangyayari sa ibang bansa—halimbawa, nag-uusisa sila tungkol sa nangyayari sa Israel, o kung may lindol sa Ehipto—palagi silang naghahanap ng anumang mga bagong bagay para mapalugod ang kanilang makasariling mga pagnanasa. Hindi nila hinahangad ang buhay, ni hindi nila hinahangad na maperpekto. Hinahangad lamang nilang dumating ang araw ng Diyos nang mas maaga upang magkatotoo ang kanilang magandang pangarap at matupad ang kanilang maluluhong pagnanasa. Ang ganitong klaseng tao ay hindi praktikal—sila ay mga taong hindi wasto ang pananaw. Paghahangad lamang sa katotohanan ang pundasyon ng paniniwala ng sangkatauhan sa Diyos, at kung hindi hinahangad ng mga tao ang buhay pagpasok, kung hindi nila hinahangad na mapalugod ang Diyos, sasailalim sila sa kaparusahan. Yaong mga parurusahan ay ang mga hindi pa nagtaglay ng gawain ng Banal na Espiritu sa panahon ng gawain ng Diyos.

Paano dapat makipagtulungan ang mga tao sa Diyos sa yugtong ito ng Kanyang gawain? Kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao. Hindi Siya bumibigkas ni isang salita, kundi ikinukubli Niya ang Kanyang Sarili at hindi Siya tuwirang nakikipag-ugnayan sa mga tao. Sa tingin, mukhang wala Siyang ginagawa, ngunit ang totoo ay gumagawa pa rin Siya sa kalooban ng tao. Ang sinumang naghahangad ng buhay pagpasok ay mayroong isang pananaw para sa kanilang paghahangad sa buhay, at wala silang mga pag-aalinlangan kahit hindi nila lubos na nauunawaan ang gawain ng Diyos. Sa gitna ng mga pagsubok, kahit kapag hindi mo alam kung ano ang nais gawin ng Diyos at kung anong gawain ang nais Niyang isakatuparan, dapat mong malaman na ang mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan ay palaging mabuti. Kung hahanapin mo Siya nang may isang tapat na puso, hindi ka Niya iiwan kailanman, at sa huli ay tiyak na gagawin ka Niyang perpekto, at dadalhin Niya ang mga tao sa isang angkop na hantungan. Paano man kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao, darating ang araw na maglalaan Siya sa mga tao ng isang angkop na kahihinatnan at bibigyan sila ng angkop na ganti batay sa kanilang nagawa. Hindi aakayin ng Diyos ang mga tao sa isang partikular na punto at pagkatapos ay iwawaksi lang sila at babalewalain. Ito ay dahil ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. Sa yugtong ito, ginagawa ng Banal na Espiritu ang gawain ng pagpipino. Pinipino Niya ang bawat tao. Sa mga hakbang ng gawain na itinatag ng pagsubok na kamatayan at ng pagsubok na pagkastigo, ang pagpipino ay isinagawa sa pamamagitan ng mga salita. Para maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, kailangan muna nilang maunawaan ang Kanyang kasalukuyang gawain at kung paano dapat makipagtulungan ang sangkatauhan. Tunay ngang ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng lahat. Anuman ang gawin ng Diyos, pagpipino man iyon o kahit hindi Siya nagsasalita, wala ni isang hakbang ng gawain ng Diyos ang nakaayon sa mga pagkaintindi ng sangkatauhan. Bawat hakbang ng Kanyang gawain ay sumisira at tumatagos sa mga pagkaintindi ng mga tao. Ito ay Kanyang gawain. Ngunit kailangan mong maniwala na, dahil nakaabot na ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na yugto, hindi Niya papatayin ang buong sangkatauhan anuman ang mangyari. Nagbibigay Siya kapwa ng mga pangako at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat niyaong sumusunod sa Kanya ay makakamtan ang Kanyang mga pagpapala, ngunit yaong mga hindi ay aalisin ng Diyos. Nakasalalay ito sa iyong paghahangad. Ano’t anuman ang mangyari, kailangan mong maniwala na kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos, bawat tao ay magkakaroon ng isang angkop na hantungan. Ang Diyos ay naglaan sa sangkatauhan ng magagandang pangarap, ngunit kung walang paghahangad ay hindi makakamit ang mga ito. Dapat mo nang magawang makita ito ngayon—ang pagpipino at pagkastigo ng Diyos sa mga tao ay Kanyang gawain, ngunit para sa mga tao, kailangan nilang hangaring baguhin ang kanilang disposisyon sa lahat ng oras. Sa iyong praktikal na karanasan, kailangan mo munang malaman kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos; kailangan mong hanapin sa Kanyang mga salita kung ano ang dapat mong pasukin at ang sarili mong mga pagkukulang, dapat mong hangaring makapasok sa iyong praktikal na karanasan, at kunin ang bahagi ng mga salita ng Diyos na dapat isagawa at subukang gawin iyon. Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay isang aspeto. Bukod pa rito, ang buhay ng iglesia ay kailangan ding panatilihin, kailangan mong magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay, at kailangan mong magawang iabot sa Diyos ang lahat ng iyong kasalukuyang kalagayan. Paano man magbago ang Kanyang gawain, dapat manatiling normal ang iyong espirituwal na buhay. Mapapanatili ng isang espirituwal na buhay ang iyong normal na pagpasok. Anuman ang gawin ng Diyos, dapat ay ipagpatuloy mo ang iyong espirituwal na buhay nang walang gambala at gampanan mo ang iyong tungkulin. Ito ang dapat gawin ng mga tao. Ito ay gawaing lahat ng Banal na Espiritu, ngunit samantalang para sa mga may normal na kalagayan ito ay pagpeperpekto, para sa mga may abnormal na kalagayan ito ay isang pagsubok. Sa kasalukuyang yugto ng gawaing pagpipino ng Banal na Espiritu, sinasabi ng ilang tao na napakadakila ng gawain ng Diyos at na talagang kailangan ng mga tao ng pagpipino, kung hindi ay magiging napakababa ng kanilang tayog at wala silang magiging paraan para masunod ang kalooban ng Diyos. Gayunman, para sa mga yaon na hindi maganda ang kalagayan, nagiging dahilan ito upang hindi sundan ang Diyos, at dahilan upang huwag dumalo sa mga pagtitipon o kumain at uminom ng salita ng Diyos. Sa gawain ng Diyos, anuman ang gawin Niya o anumang mga pagbabago ang gawin Niya, kailangang panatilihin ng mga tao ang isang normal na espirituwal na buhay. Marahil ay hindi ka naging maluwag sa kasalukuyang yugtong ito ng iyong espirituwal na buhay, ngunit wala ka pa ring gaanong natamo, at wala kang gaanong napala. Sa ganitong klaseng mga sitwasyon, kahit na panghawakan mo ang iyong espirituwal na buhay na para bang sumusunod ka sa isang regulasyon, kailangan mo pa rin itong panghawakan; kailangan mong sundin ang regulasyong ito upang hindi ka mawalan sa iyong buhay at upang mapalugod mo ang kalooban ng Diyos. Kung abnormal ang iyong espirituwal na buhay, hindi mo mauunawaan ang kasalukuyang gawain ng Diyos, at sa halip ay palagi mong madarama na ito ay lubos na hindi kaayon ng iyong mga kuru-kuro, at bagama’t handa kang sundan Siya, wala kang sigla ng kalooban. Kaya, anuman ang kasalukuyang ginagawa ng Diyos, kailangang makipagtulungan ang mga tao. Kung hindi makikipagtulungan ang mga tao, hindi magagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at kung wala sa puso ng mga tao ang makipagtulungan, mahihirapan silang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung nais mong taglayin ang gawain ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban, at kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan mong panatilihin ang iyong orihinal na katapatan sa harap ng Diyos. Ngayon, hindi mo kailangang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa, mas mataas na teorya, o iba pang gayong mga bagay—ang kailangan lamang ay pagtibayin mo ang salita ng Diyos sa orihinal na pundasyon. Kung hindi nakikipagtulungan ang mga tao sa Diyos at hindi naghahangad ng mas malalim na pagpasok, kukunin ng Diyos ang lahat ng bagay na dating kanila. Sa kanilang kalooban, palaging sakim ang mga tao sa kariwasaan at mas gustong tamasahin kung ano ang nariyan na. Nais nilang makamit ang mga pangako ng Diyos nang walang anumang kapalit. Ito ang maluluhong ideyang isinasaloob ng sangkatauhan. Ang pagkakamit ng buhay mismo nang walang anumang kapalit—ngunit mayroon bang anumang bagay na naging ganito kadali? Kapag ang isang tao ay naniniwala sa Diyos at naghahangad ng buhay pagpasok at naghahangad ng pagbabago sa kanilang disposisyon, kailangan nilang magbayad ng halaga at matamo ang isang kalagayan kung saan palagi nilang susundin ang Diyos, anuman ang Kanyang gawin. Ito ay isang bagay na kailangang gawin ng mga tao. Kahit sundin mo ang lahat ng ito bilang isang regulasyon, kailangan mong laging panindigan ito, at gaano man katindi ang mga pagsubok, hindi mo maaaring bitiwan ang iyong normal na kaugnayan sa Diyos. Dapat mong magawang manalangin, mapanatili ang iyong buhay-iglesia, at hindi iwanan kailanman ang iyong mga kapatid. Kapag sinubok ka ng Diyos, dapat mo pa ring hanapin ang katotohanan. Ito ang pinakamaliit na kinakailangan para sa isang espirituwal na buhay. Ang palaging naising maghangad, at sikaping makipagtulungan, gamitin ang lahat ng iyong lakas—magagawa ba ito? Kung gagawin itong pundasyon ng mga tao, magkakaroon sila ng paghiwatig at pagpasok sa realidad. Madaling tanggapin ang salita ng Diyos kapag ang iyong sariling kalagayan ay normal; sa ganitong mga sitwasyon parang hindi mahirap isagawa ang katotohanan, at nadarama mo na dakila ang gawain ng Diyos. Ngunit kung hindi maganda ang iyong kalagayan, gaano man kadakila ang gawain ng Diyos at gaano man kagandang magsalita ang isang tao, hindi mo papansinin. Kapag ang kalagayan ng isang tao ay abnormal, hindi makakagawa sa kanila ang Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon.

Kung ang mga tao ay walang anumang tiwala, hindi madali para sa kanila na magpatuloy sa landas na ito. Nakikita ng lahat ngayon na ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao kahit kaunti. Napakarami nang nagawa ng Diyos at bumigkas na Siya ng napakaraming salita, at bagamat maaaring kilalanin ng mga tao na ang mga ito ay ang katotohanan, malamang pa ring lumitaw sa kanila ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung nais ng mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ito, dapat silang magkaroon ng tiwala at determinasyon na manindigan sa nakita na nila at sa natutuhan na nila mula sa kanilang mga karanasan. Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging taos sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao yaong dapat nilang gawin. Kinakailangan sa paniniwala sa Diyos ang pagsunod sa Kanya at pagdanas ng Kanyang gawain. Napakalaki ng nagawa ng Diyos—masasabi na para sa mga tao lahat ng ito ay pagpeperpekto, pagpipino, at bukod pa rito, pagkastigo. Wala pa ni isang hakbang ng gawain ng Diyos na nakaayon sa mga pagkaintindi ng tao; ang natamasa ng mga tao ay ang mababagsik na salita ng Diyos. Kapag pumarito ang Diyos, dapat matamasa ng mga tao ang Kanyang kamahalan at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumarito Siya para iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan. Bilang mga nilalang, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at gawin iyon nang lubhang matunog para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, nananatili kang puno ng tiwala at hindi nawawalan ng tiwala sa Kanya. Ginagawa mo ang dapat gawin ng tao. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao, at dapat magawa ng puso ng tao na lubos na bumalik at bumaling sa Kanya sa bawat sandaling lumilipas. Ito ay isang mananagumpay. Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga “mananagumpay” ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang “mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ang landas na ito ay totoo, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magpasya man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kahihinatnan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang pusong taos sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang katapatan ay kadalisayan, at ang kakayahang maging taos sa Diyos ay pagpapanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahagi, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat mong talikdan ang laman, talikdan mo ang laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka natataranta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok naninindigan ka. Ito ang katapatan sa Diyos. Kung hindi mo paninindigan ang dapat gawin ng mga tao, lahat ng dati mong pinagdusahan at pinagpasyahan ay nawalan ng saysay.

Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, may isang paraan na dapat makipagtulungan ang mga tao. Pinipino ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pagtitiwala sa gitna ng mga pagpipino. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pagtitiwala na gawing perpekto ng Diyos at maging handang tanggapin ang Kanyang mga pagpipino at ang pakikitungo at pagtatabas ng Diyos. Gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa mga tao upang bigyan sila ng kaliwanagan at pagpapalinaw, at upang makipagtulungan sila sa Kanya at magsagawa. Ang Diyos ay hindi nagsasalita sa mga oras ng pagpipino. Hindi Niya ipinaparinig ang Kanyang tinig, ngunit mayroon pa ring gawaing dapat gawin ang mga tao. Dapat mong panindigan ang natamo mo na, dapat mo pa ring magawang manalangin sa Diyos, maging malapit sa Diyos, at tumayong saksi sa harap ng Diyos; sa ganitong paraan magagampanan mo ang iyong tungkulin. Dapat makita ninyong lahat nang malinaw mula sa gawain ng Diyos na kinakailangan sa Kanyang mga pagsubok sa tiwala at pagmamahal ng mga tao na lalo pa silang manalangin sa Diyos, at na mas madalas nilang lasapin ang mga salita ng Diyos sa Kanyang harapan. Kung nililiwanagan ka ng Diyos at ipinauunawa sa iyo ang Kanyang kalooban, subalit hindi mo isinasagawa ang anuman dito, wala kang mapapala. Kapag isinasagawa mo ang mga salita ng Diyos, dapat ay magawa mo pa ring manalangin sa Kanya, at kapag nilalasap mo ang Kanyang mga salita dapat kang humarap sa Kanya at maghangad at maging buo ang iyong tiwala sa Kanya, nang walang bahid ng pananamlay o panlalamig. Yaong mga hindi nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ay masiglang-masigla sa mga oras ng pagtitipon, ngunit nagdidilim ang mundo pagkauwi nila. Mayroong ilan na ni ayaw magtipun-tipon. Kaya, kailangan mong makita nang malinaw kung anong tungkulin ang dapat tuparin ng mga tao. Maaaring hindi mo alam kung ano talaga ang kalooban ng Diyos, ngunit maaari mong gampanan ang iyong tungkulin, maaari kang manalangin kung kailan nararapat, maaari mong isagawa ang katotohanan kung kailan nararapat, at maaari mong gawin ang nararapat gawin ng mga tao. Maaari mong panindigan ang iyong orihinal na pananaw. Sa ganitong paraan, mas magagawa mong tanggapin ang susunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Kapag tago ang paraan ng paggawa ng Diyos, problema iyan kung hindi ka maghahanap. Kapag Siya ay nagsasalita at nangangaral sa oras ng mga pagpupulong, masigasig kang nakikinig, ngunit kapag hindi Siya nagsasalita, wala kang sigla at umuurong ka. Anong klaseng tao ang kumikilos nang ganito? Ito ay isang taong sumusunod lamang sa karamihan. Wala silang paninindigan, walang patotoo, at walang pananaw! Ganito ang karamihan sa mga tao. Kung magpapatuloy ka sa gayong paraan, balang araw kapag nagkaroon ka ng matinding pagsubok, babagsak ka sa kaparusahan. Ang pagkakaroon ng paninindigan ay napakahalaga sa proseso ng pagperpekto ng Diyos sa mga tao. Kung wala kang duda sa anumang hakbang ng gawain ng Diyos, kung ginagampanan mo ang tungkulin ng tao, kung tapat mong pinaninindigan ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, ibig sabihin, natatandaan mo ang mga payo ng Diyos, at anuman ang Kanyang gawin sa kasalukuyan ay hindi mo kinalilimutan ang Kanyang mga payo, kung wala kang duda tungkol sa Kanyang gawain, nananatili kang naninindigan, pinaninindigan mo ang iyong patotoo, at tagumpay ka sa lahat ng pagkakataon, sa bandang huli ay gagawin kang perpekto ng Diyos at gagawin kang isang mananagumpay. Kung nagagawa mong manindigan sa bawat hakbang ng mga pagsubok ng Diyos, at kung kaya mo pa ring manindigan hanggang sa pinakahuli, ikaw ay isang mananagumpay, isa kang taong nagawa nang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo kayang manindigan sa kasalukuyan mong mga pagsubok, mas mahihirapan ka sa hinaharap. Kung sasailalim ka lamang sa kakaunting pagdurusa at hindi mo hahangaring matamo ang katotohanan, wala kang mapapala sa huli. Maiiwan kang walang-wala. May ilang tao na isinusuko ang kanilang paghahangad kapag nakikita nila na hindi nagsasalita ang Diyos, at nawiwindang ang kanilang puso. Hindi ba hangal ang gayong tao? Ang ganitong klaseng mga tao ay walang realidad. Kapag nagsasalita ang Diyos, hindi sila mapakali, mukhang abala at masigla sa tingin, ngunit ngayong hindi Siya nagsasalita, tumitigil silang maghanap. Ang ganitong klaseng tao ay walang kinabukasan. Sa mga oras ng pagpipino, kailangang pumasok ka mula sa isang positibong pananaw at matuto ng mga aral na dapat mong matutuhan; kapag nagdarasal ka sa Diyos at nagbabasa ng Kanyang salita, dapat mong ihambing ang sarili mong kalagayan dito, tuklasin ang iyong mga pagkukulang, at makita na marami ka pang aral na dapat matutuhan. Habang lalong nagiging taimtim ang iyong paghahanap kapag sumasailalim ka sa pagpipino, lalo mong masusumpungan na may pagkukulang ka. Kapag dumaranas ka ng mga pagpipino, marami kang nakakaharap na problema; hindi mo nakikita nang malinaw ang mga ito, nagrereklamo ka, ibinubunyag mo ang iyong sariling laman—sa pamamagitan lamang nito mo matutuklasan na napakarami mong tiwaling disposisyon sa iyong kalooban.

Kulang ang kakayahan ng mga tao at hindi sila tumutugon sa mga pamantayan ng Diyos, baka nga mas kailangan pa nila ng tiwala upang tumahak sa landas na ito sa hinaharap. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay nangangailangan ng malaking tiwala, tiwalang mas malaki pa kaysa kay Job. Kung walang tiwala, hindi magagawang magpatuloy ng mga tao na magkaroon ng karanasan at hindi rin sila magagawang perpekto ng Diyos. Pagdating ng panahon ng matitinding pagsubok, magkakaroon ng mga tao na aalis ng mga iglesia—ang ilan ay dito, ang ilan ay doon. Magkakaroon ng ilan na medyo maganda naman ang nagawa sa kanilang paghahangad sa nakaraang mga araw at hindi magiging malinaw kung bakit hindi na sila naniniwala. Maraming bagay ang mangyayari na hindi mo mauunawaan, at hindi maghahayag ang Diyos ng anumang mga tanda o hiwaga, ni gagawa ng anumang higit sa karaniwan. Ito ay upang makita kung kaya mong manindigan—ang Diyos ay gumagamit ng mga katotohanan upang pinuhin ang mga tao. Hindi ka pa gaanong nagdusa. Sa hinaharap kapag dumating ang matitinding pagsubok, sa ilang lugar ay aalis ang bawat tao sa iglesia, at yaong mga nakapalagayan mo na ng loob ay aalis at tatalikuran ang kanilang pananampalataya. Magagawa mo bang manindigan sa panahong iyon? Hanggang ngayon, ang mga pagsubok na iyong nakaharap ay maliliit lamang, at marahil ay halos hindi mo na nagawang tiisin ang mga iyon. Kabilang sa hakbang na ito ang mga pagpipino at pagpeperpekto sa pamamagitan lamang ng mga salita. Sa susunod na hakbang, ang mga katotohanan ay darating sa iyo upang pinuhin ka, at pagkatapos ay mamemeligro ka. Kapag talagang naging seryoso na iyon, papayuhan ka ng Diyos na magmadali at umalis, at tatangkain ng mga relihiyosong tao na akitin kang sumama sa kanila. Ito ay upang makita kung kaya mong magpatuloy sa landas, at lahat ng bagay na ito ay mga pagsubok. Ang kasalukuyang mga pagsubok ay maliliit, ngunit darating ang araw na magkakaroon ng mga tahanan kung saan ang mga magulang ay hindi na naniniwala, at magkakaroon ng ilan kung saan ang mga anak ay hindi na naniniwala. Magagawa mo pa bang magpatuloy? Habang lalo kang sumusulong, lalong titindi ang iyong mga pagsubok. Isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawaing pinuhin ang mga tao ayon sa kanilang mga pangangailangan at sa kanilang tayog. Sa yugto ng pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan, imposibleng patuloy na lumaki ang bilang ng mga tao—liliit lamang ito. Sa pamamagitan lamang ng mga pagpipinong ito magagawang perpekto ang mga tao. Ang pakikitungo, pagdidisiplina, pagsubok, pagkastigo, pagsumpa—kaya mo bang tiisin ang lahat ng ito? Kapag nakakakita ka ng isang iglesia na partikular na maganda ang sitwasyon, kung saan lahat ng kapatid ay naghahangad nang may matinding sigla, ikaw mismo ay nahihikayat. Kapag dumating ang araw na nakaalis na silang lahat, ang ilan sa kanila ay hindi na naniniwala, ang ilan ay umalis na upang magnegosyo o mag-asawa, at ang ilan ay umanib na sa relihiyon; magagawa mo bang manindigan sa panahong iyon? Magagawa mo bang panatilihing hindi nagugulo ang iyong kalooban? Ang pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi isang napakasimpleng bagay! Siya ay gumagamit ng maraming bagay upang pinuhin ang mga tao. Ang tingin ng mga tao rito ay mga pamamaraan, ngunit sa orihinal na layunin ng Diyos ay ni hindi man lang mga pamamaraan ang mga ito, kundi mga katotohanan. Sa huli, kapag napino na Niya ang mga tao kahit paano at wala na silang anumang mga reklamo, ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay makukumpleto. Ang dakilang gawain ng Banal na Espiritu ay ang gawin kang perpekto, at kapag hindi Siya gumagawa at ikinukubli ang Kanyang Sarili, iyon ay higit na para sa layunin ng pagpeperpekto sa iyo, at sa ganitong partikular na paraan makikita kung may pagmamahal ang mga tao sa Diyos, kung may tunay na tiwala sila sa Kanya. Kapag ang Diyos ay nagsasalita nang malinaw, hindi mo na kailangang maghanap; kapag nakakubli Siya, saka mo lamang kailangang maghanap at mangapa. Dapat mong magawang gampanan ang tungkulin ng isang nilalang, at anuman ang kahinatnan mo sa hinaharap at ang iyong hantungan, dapat mong magawang maghangad ng kaalaman at pagmamahal sa Diyos sa mga taon ng iyong buhay, at paano ka man tratuhin ng Diyos, dapat mong magawang iwasan na magreklamo. May isang kondisyon para gumawa ang Banal na Espiritu sa kalooban ng mga tao. Kailangan nilang mauhaw at maghangad at hindi mawalan ng sigla o magduda tungkol sa mga kilos ng Diyos, at kailangan nilang magawang panindigan ang kanilang tungkulin sa lahat ng oras; sa ganitong paraan lamang nila makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, ang kinakailangan sa sangkatauhan ay malaking tiwala at pagharap sa Diyos upang maghangad—sa pamamagitan lamang ng karanasan matutuklasan ng mga tao kung gaano kaibig-ibig ang Diyos at kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao. Kung hindi ka daranas, kung hindi ka mangangapa, kung hindi ka maghahangad, wala kang mapapala. Kailangan mong mangapa sa pamamagitan ng iyong mga karanasan, at sa pamamagitan lamang ng iyong mga karanasan mo makikita ang mga kilos ng Diyos at makikilala ang Kanyang pagiging kamangha-mangha at mahiwaga.

Sinundan: Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Sumunod: Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito