Gawain at Pagpasok 9
Ang nakabaong mga katutubong kaugalian at pangkaisipang pananaw ay matagal nang nakalambong sa ibabaw ng dalisay at walang-muwang na espiritu ng tao, at nasalakay na ng mga iyon ang kaluluwa ng tao nang wala kahit bahagyang pagkatao, na parang walang damdamin o anumang pakiramdam ng sarili. Sukdulang malupit ang mga paraan ng mga demonyong ito, at para bang ang “edukasyon” at “pag-aaruga” ay naging ang mga tradisyonal na pamamaraan kung paano pinapaslang ng hari ng mga diyablo ang tao. Gamit ang “malalim na turo” nito, lubusan nitong tinatakpan ang pangit nitong kaluluwa, nagbibihis-tupa upang kunin ang tiwala ng tao at pagkatapos ay sinasamantala ang pagkakataon habang ang tao ay natutulog nang mahimbing upang ganap siyang lamunin. Kaawa-awang sangkatauhan—paano kaya nila malalaman na ang lupain kung saan sila ay pinalaki ay ang lupain ng diyablo, na ang nagpalaki sa kanila sa katunayan ay isang kaaway na nananakit sa kanila. Datapwa’t hindi pa rin nagigising man lamang ang tao; matapos mabigyang-kasiyahan ang kanyang gutom at uhaw, naghahanda siya na suklian ang “kabaitan” ng kanyang “mga magulang” sa pagpapalaki sa kanya. Ganyan ang tao. Ngayon, hindi pa rin niya alam na ang hari na nagpalaki sa kanya ay kanyang kaaway. Ang lupa ay nakakalatan ng mga buto ng patay, baliw na nagsasayang walang-tigil ang diyablo, at nagpapatuloy sa paglamon sa laman ng tao sa “mundo ng mga patay,” kasama sa libingan ng mga kalansay ng tao at walang-sawa sa pagtatangkang ubusin ang huling mga labi ng sira-sirang katawan ng tao. Gayunpaman ang tao ay wala pa ring kamuwang-muwang, at hindi kailanman itinuring ang diyablo bilang kanyang kaaway, bagkus ay pinagsisilbihan niya ito nang kanyang buong-puso. Ang ganoon kasamang mga tao ay sadyang walang-kakayahang kilalanin ang Diyos. Madali ba para sa Diyos ang maging katawang-tao at dumating sa kalagitnaan nila, isinasakatuparan ang lahat ng Kanyang gawain ng pagliligtas? Paano kaya magagawa ng tao, na sumisid na sa Hades, na tugunan ang mga hinihingi ng Diyos? Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain ng sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba na Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nabubuhay upang gugulin ang Kanyang mga araw kasama ang tao, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa kanyang pagsuway, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano Niya magugugol ang Kanyang buhay sa impiyerno? Nguni’t para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa “impiyerno” at “Hades,” sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kwalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos? Paano siya nagkakaroon ng lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Dumating sa pinakamaruming lupain ng kasamaan na ito ang Diyos ng langit, at hindi kailanman ibinulalas ang Kanyang mga hinaing, o nagreklamo tungkol sa tao, bagkus ay tahimik na tinatanggap ang mga pamiminsala[1] at pang-aapi ng tao. Hindi Siya kailanman gumanti sa di-makatwirang mga hinihingi ng tao, hindi Siya kailanman humingi nang labis sa tao, at hindi Siya kailanman gumawa ng di-makatwirang mga paghingi sa tao; ginagawa lamang Niya ang lahat ng gawain na kinakailangan ng tao nang walang reklamo: pagtuturo, pagliliwanag, pagsaway, pagpipino ng mga salita, pagpapaalala, panghihikayat, pang-aaliw, paghatol at paghahayag. Alin sa Kanyang mga hakbang ang hindi naging para sa buhay ng tao? Kahit naalis na Niya ang mga inaasam-asam at kapalaran ng tao, alin sa mga hakbang na isinakatuparan ng Diyos ang hindi para sa kapalaran ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng pananatiling buhay ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para palayain ang tao mula sa paghihirap na ito at mula sa pang-aapi ng mga pwersa ng kadiliman na kasing-itim ng gabi? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng tao? Sino ang maaaring makaunawa sa puso ng Diyos, na tulad ng sa isang mapagmahal na ina? Sino ang maaaring makaunawa sa sabik na puso ng Diyos? Ang masintahing puso ng Diyos at marubdob na mga pag-asam ay sinuklian ng malalamig na pakikitungo, ng mga matang walang pakiramdam at walang-pakialam, at ng paulit-ulit na mga pagsaway at mga pang-iinsulto ng tao; sinuklian ang mga iyon ng masasakit na mga salita, at pambabara, at pangmamaliit; sinuklian ang mga iyon ng panlilibak ng tao, ng kanyang pangyuyurak at pagtanggi, ng kanyang hindi tamang pagkaunawa, at pagdaing, at paghiwalay, at pag-iwas, at ng walang anuman kundi panlilinlang, pag-atake, at kapaitan. Ang magigiliw na salita ay sinalubong ng mababangis na mukha at ng malamig na pagsuway ng isang libong sumasaway na mga daliri. Walang magagawa ang Diyos kundi magtiis, nakayuko ang ulo, pinagsisilbihan ang mga tao na parang maamong baka.[2] Napakaraming araw at buwan, napakaraming beses Niyang nakaharap ang mga bituin, napakaraming beses Siyang umalis nang madaling-araw at bumalik nang dapit-hapon, at nagpabaling-baling, tinitiis ang matinding paghihirap na mas matindi ng isang libong beses kaysa sa sakit ng Kanyang pag-alis mula sa Kanyang Ama, tinitiis ang mga pag-atake at pananakit ng tao, at ang pakikitungo at pagtatabas ng tao. Sinuklian ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos ng pagkiling[3] ng tao, ng di-makatarungang mga pananaw at pakikitungo ng tao, at ang tahimik na paraan ng paggawa ng Diyos nang walang pagkilala, ang Kanyang pagtitiis, at Kanyang pagpaparaya ay sinuklian ng sakim na titig ng tao; sinusubukan ng tao na tadyakan ang Diyos hanggang mamatay, nang walang pagsisisi, at sinusubukang yurakan sa lupa ang Diyos. Ang saloobin ng tao sa kanyang pakikitungo sa Diyos ay isa ng “bihirang katalinuhan,” at ang Diyos, na inaapi at hinahamak ng tao, ay durog na sa mga paa ng sampu-sampung libong tao habang ang tao mismo ay nakatayo nang tuwid, na para bang siya ang mamumuno, na para bang nais niyang kunin ang lubos na kapangyarihan,[4] na humarap sa mga tao mula sa likod ng isang tabing, na gawin ang Diyos na matapat at masunurin sa panuntunan na direktor sa likod ng mga eksena, na hindi pinahihintulutang lumaban o magsanhi ng problema. Dapat gampanan ng Diyos ang bahagi ng Huling Emperador, dapat Siyang maging isang sunud-sunuran,[5] wala ng lahat ng kalayaan. Hindi maikukuwento ang mga gawa ng tao, kaya paano siya naging karapat-dapat na humingi ng ganito o ganoon sa Diyos? Paano siya naging kwalipikadong magbigay ng mga mungkahi sa Diyos? Paano siya naging kwalipikado na humingi sa Diyos na dumamay sa kanyang mga kahinaan? Paano siya naging angkop na tumanggap ng awa ng Diyos? Paano siya naging angkop na tumanggap ng kadakilaan ng Diyos nang paulit-ulit? Paano siya naging angkop na tumanggap ng kapatawaran ng Diyos nang paulit-ulit? Nasaan ang kanyang budhi? Matagal na niyang dinurog ang puso ng Diyos, matagal na niyang iniwan ang puso ng Diyos na durug-durog. Dumating ang Diyos sa gitna ng tao na puno ng pag-asa at masaya, umaasa na ang tao ay magiging mabait sa Kanya, kahit na may kaunti lamang na pagkagiliw. Nguni’t ang puso ng Diyos ay hindi gaanong maaliw ng tao, ang tanging natanggap Niya ay palaki nang palaking[6] mga pag-atake at pagpapahirap. Masyadong sakim ang puso ng tao, masyadong malaki ang kanyang pagnanasa, hindi siya kailanman masisiyahan, lagi siyang maloko at walang patumangga, hindi niya kailanman binibigyan ng anumang kalayaan o karapatang magsalita ang Diyos, at iniiwan ang Diyos na walang pagpipilian liban sa tiisin ang kahihiyan, at hayaan ang tao na manipulahin Siya kung paano man niya gusto.
Mula sa paglikha hanggang sa ngayon, nagtiis na ng matinding sakit ang Diyos, at nagdusa na ng napakaraming pag-atake. Nguni’t kahit na ngayon, hindi pa rin binabawasan ng tao ang mga hinihingi niya sa Diyos, mabuti pa rin niyang sinusuri ang Diyos, wala pa rin siyang pagpaparaya sa Kanya, at wala na siyang ginawa kundi bigyan Siya ng payo, at punahin Siya, at disiplinahin Siya, na tila malalim na natatakot na tatahakin ng Diyos ang maling landas, na ang Diyos sa lupa ay malupit at hindi makatwiran, o nanggugulo, o na wala Siyang kahahantungang anuman. Laging may ganitong uri ng saloobin ang tao tungo sa Diyos. Paanong hindi ito makakapagpalungkot sa Diyos? Sa pagiging tao, dumanas ng matinding sakit at kahihiyan ang Diyos; gaano pa kalala, kung gayon, na ipatanggap sa Diyos ang mga aral ng tao? Ang Kanyang pagdating sa mga tao ay nag-alis sa Kanya ng lahat ng kalayaan, na parang nabilanggo Siya sa Hades, at tinanggap Niya ang pagsusuri ng tao na wala ni bahagya mang pagtutol. Hindi ba ito kahiya-hiya? Sa pagdating sa pamilya ng isang normal na tao, nagdusa si “Jesus” ng pinakamatinding kawalang-katarungan. Ang mas nakakahiya pa ay yaong dumating Siya sa maalikabok na mundong ito at ipinagpakumbaba ang Kanyang Sarili sa pinakamababang kalaliman, at nagbihis ng katawang-tao na sukdulan ang pagiging karaniwan. Sa pagiging isang tao lamang, hindi ba nagdurusa ng paghihirap ang Diyos na Kataas-taasan? At hindi ba ang lahat ng ito ay para sa sangkatauhan? Mayroon bang anumang mga sandali na nag-isip Siya para sa Sarili Niya? Pagkatapos Siyang tanggihan at patayin ng mga Hudyo, at pagtawanan at tuyain ng mga tao, hindi Siya kailanman nagreklamo sa Langit o nagprotesta sa lupa. Ngayon, itong libu-libong taong gulang na trahedyang ito ay muling lumitaw sa gitna ng mga mala-Hudyong taong ito. Hindi ba sila gumagawa ng parehong mga kasalanan? Ano ang nagsasanhi sa tao na maging kwalipikado na makatanggap ng mga pangako ng Diyos? Hindi ba niya nilalabanan ang Diyos at pagkatapos ay tinatanggap ang Kanyang mga pagpapala? Bakit hindi kailanman hinaharap ng tao ang katarungan, o hinahanap ang katotohanan? Bakit hindi siya kailanman interesado sa kung ano ang ginagawa ng Diyos? Nasaan ang kanyang katuwiran? Nasaan ang kanyang pagiging patas? Mayroon ba siyang lakas ng loob na kumatawan sa Diyos? Nasaan ang kanyang diwa ng katarungan? Gaano karami roon sa minamahal ng tao ang minamahal ng Diyos? Hindi kayang kilalanin ng tao ang kaibahan ng yeso sa keso,[7] palagi siyang nalilito sa itim at puti,[8] sinisiil niya ang katarungan at katotohanan, at itinataas nang napakataas ang kawalang-katarungan at di-pagkamatuwid. Itinataboy niya palayo ang liwanag, at naglululundag sa gitna ng kadiliman. Yaong mga naghahanap ng katotohanan at katarungan ay sa halip itinataboy palayo ang liwanag, yaong mga naghahanap sa Diyos ay tinatapakan Siya sa ilalim ng kanilang mga paa, at itinataas ang kanilang mga sarili tungo sa kalangitan. Hindi naiiba ang tao sa isang tulisan.[9] Nasaan ang kanyang katwiran? Sino ang kayang magsabi ng tama mula sa mali? Sino ang kayang manindigan para sa katarungan? Sino ang handang magdusa para sa katotohanan? Mapanira at lubod ng sama ang mga tao! Pumapalakpak sila at nagsasaya pagkatapos ipako ang Diyos sa krus, walang tigil ang kanilang malalakas na sigawan. Tulad sila ng mga manok at mga aso, nagsasabwatan sila at nagbubulag-bulagan, nagtatag na sila ng kanilang sariling kaharian, ang kanilang panghihimasok ay walang sinasantong lugar, ipinipikit nila ang kanilang mga mata at hibang na umaalulong nang paulit-ulit, magkakasamang lahat na nakakulong, at lumalaganap ang isang magulong kapaligiran, abala at buhay na buhay, at yaong bulag na ikinakabit ang kanilang mga sarili sa iba ay patuloy na naglalabasan, lahat ay itinataas ang “bantog” na mga pangalan ng kanilang mga ninuno. Matagal nang kinalimutan ng mga aso at mga manok na ito ang Diyos, at hindi kailanman nagbigay ng anumang pansin sa kalagayan ng puso ng Diyos. Hindi na nakapagtataka pa na sinasabi ng Diyos na ang tao ay tulad ng isang aso o isang manok, isang tumatahol na aso na nagsasanhi sa isandaang iba pa na magsiungol; sa ganitong paraan, dinala niya nang may malaking pagtawag ng pansin ang gawain ng Diyos sa kasalukuyan, hindi alintana kung ano ang katulad ng gawain ng Diyos, kung may katarungan man, kung ang Diyos man ay may lugar na matutuntungan, kung ano ang kahalintulad ng bukas, ang kanyang sariling kababaan, at ang kanyang sariling karumihan. Hindi kailanman napag-isipan ng tao nang ganoon katindi ang tungkol sa mga bagay-bagay, hindi siya kailanman nag-alala sa kanyang sarili para sa kinabukasan, at tinipon na niya ang lahat ng kapaki-pakinabang at mahalaga para maging kanyang pag-aari, walang iniiwan sa Diyos maliban sa mga patapong piraso at mga tira-tira.[10] Kaylupit ng sangkatauhan! Hindi niya alintanang saktan ang damdamin ng Diyos, at pagkatapos lamuning palihim ang lahat na mayroon ang Diyos, inihahagis niya ang Diyos palayo sa likuran niya, hindi na pinapansin ang Kanyang pag-iral. Nasisiyahan siya sa Diyos, datapuwa’t sinasalungat ang Diyos, at niyuyurakan Siya sa ilalim ng kanyang mga paa, habang ang kanyang bibig ay nagpapasalamat at nagpupuri sa Diyos; nagdarasal siya sa Diyos, at umaasa sa Diyos, habang nililinlang din ang Diyos; “pinupuri” niya ang pangalan ng Diyos, at tumitingala sa mukha ng Diyos, datapuwa’t siya rin ay walang-pakundangan at walang-kahihiyan na nakaupo sa luklukan ng Diyos at hinahatulan ang “di-pagkamatuwid” ng Diyos; mula sa kanyang bibig lumalabas ang mga salita na siya ay may utang na loob sa Diyos, at kanyang tinitingnan ang mga salita ng Diyos, gayunpaman sa kanyang puso ay tinutuligsa niya ang Diyos; “mapagparaya” siya sa Diyos nguni’t sinisiil ang Diyos, at sinasabi ng kanyang bibig na ito ay para sa kapakanan ng Diyos; sa kanyang mga kamay hawak niya ang mga bagay ng Diyos, at sa kanyang bibig nginunguya niya ang pagkain na ibinigay ng Diyos sa kanya, nguni’t nananatiling malamig at walang emosyon ang kanyang mga matang nakatitig sa Diyos, na para bang nais niyang lunukin Siya nang buo; tinitingnan niya ang katotohanan nguni’t pilit na sinasabing ito ay panlilinlang ni Satanas; tinitingnan niya ang katarungan nguni’t pilit itong ginagawang pagtatatwa sa sarili; tinitingnan niya ang mga gawa ng tao at ipinipilit na ang mga iyon ay kung ano ang Diyos; tinitingnan niya ang natural na mga kaloob ng tao at ipinipilit na ang mga iyon ay ang katotohanan; tinitingnan niya ang mga gawa ng Diyos at ipinipilit na ang mga iyon ay pagmamataas at kapalaluan, pag-iingay lang at pagmamagaling; kapag tumitingin ang tao sa Diyos, ipinipilit niya ang pagbabansag sa Kanya bilang tao, at sinusubukan niyang maigi na tratuhin Siya bilang isang nilalang na nakikipagsabwatan kay Satanas; alam na alam niya na ang mga iyon ay ang mga pagbigkas ng Diyos, gayunma’y tatawagin ang mga iyon na walang iba kundi mga sinulat ng isang tao; alam na alam niyang ang Espiritu ay isinasakatuparan sa katawang-tao, na nagkatawang-tao ang Diyos, nguni’t sinasabi lamang na ang katawang-taong ito ay inapo ni Satanas; alam na alam niyang ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, ngunit sinasabi lamang na si Satanas ay napahiya na, at ang Diyos ay nanalo na. Mga walang silbi! Ang tao ay hindi man lamang karapat-dapat na maglingkod bilang mga asong-bantay! Hindi niya nakikilala ang kaibahan sa pagitan ng itim at puti, at sadya pang ginagawa ang itim na puti. Kaya ba ng mga puwersa ng tao at pagsalakay ng tao na hayaan ang araw ng pagpapalaya sa Diyos? Pagkatapos na sadyang salungatin ang Diyos, ang tao ay walang pakialam, o nagagawa pa nitong ipapatay Siya, hindi tinutulutan ang Diyos na ipakita ang Sarili Niya. Nasaan ang katuwiran? Nasaan ang pag-ibig? Umuupo siya sa tabi ng Diyos, at pinaluluhod ang Diyos upang humingi ng kapatawaran, upang sundin ang lahat ng kanyang mga pagsasaayos, upang pumayag sa lahat ng kanyang mga pagmamaniobra, at pinasusunod niya ang Diyos sa kanyang hudyat sa lahat ng ginagawa Niya, at kung hindi ay magagalit[11] siya at magwawala. Paanong hindi mapupuno ng kapighatian ang Diyos sa ilalim ng gayong impluwensya ng kadiliman, na ginagawa ang itim na maging puti? Paanong hindi Siya mag-aalala? Bakit sinasabi na noong sinimulan ng Diyos ang Kanyang pinakabagong gawain, katulad ito ng gawain ng paglikha ng kalangitan at ng lupa? Masyadong “mayaman” ang mga gawa ng tao, ang “patuloy na umaagos na bukal ng buhay na tubig” ay walang hinto sa “pagpupunong muli” sa linang ng puso ng tao, habang ang “bukal ng buhay na tubig” ng tao ay nakikipagpaligsahan sa Diyos nang walang pangingimi;[12] ang dalawa ay hindi mapagkakasundo, at nagtutustos ito sa mga tao sa halip na ang Diyos nang walang pakialam sa ibubunga, samantalang ang tao ay nakikipagtulungan dito nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga panganib na napapaloob. At para sa anong epekto? Walang-pangingimi niyang isinasantabi ang Diyos, at inilalayo Siya, kung saan hindi Siya papansinin ng tao, lubhang natatakot na kukunin Niya ang kanilang pansin, at takot na takot na ang bukal ng buhay na tubig ng Diyos ay makakaakit sa tao, at makakamit ang tao. Kaya, pagkatapos makaranas ng maraming taon ng makamundong alalahanin, nakikipagsabwatan siya at iniintriga ang Diyos, at itinutuon pa sa Diyos ang kanyang pagkastigo. Para bang ang Diyos ay naging tulad ng isang troso sa kanyang mata, at desperado siyang sunggaban ang Diyos at ilagay Siya sa apoy upang mapino at mapalinis. Matapos makita ang hindi maginhawang kalagayan ng Diyos, hinahampas ng tao ang kanyang dibdib at tumatawa, sumasayaw siya sa galak, at sinasabing ang Diyos ay inilublob na rin sa pagpipino, at sinasabing susunugin niya nang malinis ang masagwang karumihan ng Diyos, na parang ito lamang ang makatwiran at nasa katinuan, na parang ang mga ito lamang ang makatarungan at makatwirang mga pamamaraan ng Langit. Ang marahas na pag-uugaling ito ng tao ay tila parehong sinadya at hindi namamalayan. Parehong ibinubunyag ng tao ang kanyang pangit na mukha at ang kanyang kakila-kilabot at maruming kaluluwa, pati na rin ang kaawa-awang hitsura ng isang pulubi; matapos magwala nang husto, nagmumukha siyang kaawa-awa at nagsusumamo para sa kapatawaran ng Langit, katulad ng isang sukdulang kahabag-habag na aso. Palaging kumikilos ang tao sa hindi inaasahang mga paraan, palagi siyang “sumasakay sa likod ng isang tigre upang takutin ang iba,”[a] palagi siyang may papel na ginagampanan, hindi niya isinasaalang-alang ni bahagya man ang puso ng Diyos, hindi rin siya gumagawa ng anumang mga paghahambing sa kanyang sariling katayuan. Tahimik niya lamang na sinasalungat ang Diyos, na para bang ang Diyos ay nagkasala sa kanya, at hindi nararapat na tratuhin siya nang ganoon, at para bang walang mga mata ang Langit at sinasadyang gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa kanya. Kaya laging palihim na nagsasakatuparan ang tao ng mapanirang mga pakana, at hindi niya binabawasan kahit bahagya man ang kanyang mga hinihingi sa Diyos, nakatingin nang may mga mata ng mandaragit, galit na galit na nandidilat sa bawat galaw ng Diyos, hindi kailanman iniisip na siya ang kaaway ng Diyos, at umaasa na ang araw ay darating kung kailan hahawiin ng Diyos ang hamog, gagawing malinaw ang mga bagay-bagay, ililigtas siya mula sa “bibig ng tigre,” at lulunasan ang kanyang mga hinaing. Kahit ngayon, hindi pa rin iniisip ng mga tao na ginagampanan nila ang papel ng sumasalungat sa Diyos na ginampanan na ng napakarami sa paglipas ng mga kapanahunan; paano kaya nila malalaman na, sa lahat ng ginagawa nila, matagal na silang naligaw, na ang lahat ng kanilang naunawaan ay matagal nang nilamon ng mga dagat.
Sino ang kailanman ay tumanggap na ng katotohanan? Sino ang kailanman ay tumanggap na sa Diyos nang bukal sa kalooban? Sino ang kailanman ay masaya nang nag-asam sa pagpapakita ng Diyos? Matagal nang sumama ang pag-uugali ng tao, at dahil sa kanyang karumihan ay matagal nang naiwan ang templo ng Diyos na hindi makilala. Ang tao, samantala, ay patuloy pa ring nagsasakatuparan ng kanyang sariling gawain, laging minamaliit ang Diyos. Na para bang ang kanyang pagsalungat sa Diyos ay naitaga na sa bato, at hindi mababago, at bilang resulta, mas nanaisin niyang masumpa kaysa magdusa ng ano pa mang masamang pagtrato sa kanyang mga salita at mga pagkilos. Paanong makikilala ng mga taong tulad nito ang Diyos? Paano nila masusumpungan ang kapahingahan sa piling ng Diyos? At paano sila magiging angkop na lumapit sa harap ng Diyos? Walang duda, walang mali sa paglalaan ng sarili sa plano ng pamamahala ng Diyos—pero bakit laging inilalagay ng mga tao ang gawain ng Diyos at ang kabuuan ng Diyos sa likod ng kanilang isipan habang di-makasariling inilalaan ang kanilang sariling dugo at luha? Ang diwa ng di-makasariling paglalaan ng mga tao ay walang dudang mahalaga—pero paano nila malalaman na ang “seda” na hinahabi nila ay talagang hindi kayang katawanin kung ano ang Diyos? Ang mabubuting layunin ng mga tao ay walang dudang mahalaga at pambihira—pero paano nila malululon ang “kayamanang walang katumbas na halaga”?[13] Bawat isa sa inyo ay dapat isipin ang inyong nakalipas: Bakit hindi kayo nawalay kailanman mula sa walang-pusong pagkastigo at mga sumpa? Bakit palaging may “malapit na kaugnayan” ang mga tao sa mariringal na salita at matuwid na paghatol? Sinusubok ba talaga sila ng Diyos? Sinasadya ba silang pinuhin ng Diyos? At paano pumapasok ang mga tao sa gitna ng pagpipino? Alam ba talaga nila ang gawain ng Diyos? Anong mga aral ang natutuhan ng mga tao mula sa gawain ng Diyos at kanilang sariling pagpasok? Nawa’y hindi malimutan ng mga tao ang payo ng Diyos, at nawa’y magkaroon sila ng kabatiran sa gawain ng Diyos, malinaw itong matukoy, at maayos na pamahalaan ang kanilang sariling pagpasok.
Mga Talababa:
1. Ang “mga pamiminsala” ay ginagamit upang ilantad ang pagsuway ng sangkatauhan.
2. Ang “sinalubong ng mababangis na mukha at ng malamig na pagsuway ng isang libong sumasaway na mga daliri, nakayuko ang ulo, pinagsisilbihan ang mga tao na parang maamong baka” ay orihinal na iisang pangungusap, pero dito ay hinati sa dalawa upang mapalinaw ang mga bagay-bagay. Ang unang bahagi ng pangungusap ay tumutukoy sa mga pagkilos ng tao, samantalang ang ikalawa ay ipinahihiwatig ang pagdurusang dinanas ng Diyos, at na ang Diyos ay mapagpakumbaba at natatago.
3. Ang “pagkiling” ay tumutukoy sa suwail na pag-uugali ng mga tao.
4. Ang “kunin ang lubos na kapangyarihan” ay tumutukoy sa suwail na pag-uugali ng mga tao. Itinataas nila ang kanilang sarili, tinatanikalaan ang iba, pinasusunod sa kanila at pinagdurusa para sa kanila. Sila ang mga puwersang kumakalaban sa Diyos.
5. Ang “sunud-sunuran” ay ginagamit para tuyain yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos.
6. Ang “palaki nang palaking” ay ginagamit para bigyang-diin ang hamak na pag-uugali ng mga tao.
7. Ipinahihiwatig ng “hindi kayang kilalanin ng tao ang kaibahan ng yeso sa keso” kapag ginagawa ng mga tao ang kalooban ng Diyos na maging isang bagay na maka-satanas, pangkalahatang tumutukoy sa pag-uugali kung saan tinatanggihan ng mga tao ang Diyos.
8. Ang “nalilito sa itim at puti” ay tumutukoy sa pagkalito kung alin ang katotohanan at mga ilusyon, at alin ang katuwiran at kasamaan.
9. Ang “tulisan” ay ginagamit upang ipahiwatig na ang mga tao ay walang katwiran at walang kabatiran.
10. Ang “mga patapong piraso at mga tira-tira” ay ginagamit upang ipahiwatig ang pag-uugali kung saan sinisiil ng mga tao ang Diyos.
11. Ang “magagalit” ay tumutukoy sa pangit na mukha ng taong nagagalit at nayayamot.
12. Ang “walang pangingimi” ay tumutukoy sa mga tao kapag sila ay pabaya, at wala ni katiting na paggalang sa Diyos.
13. Ang “kayamanang walang katumbas na halaga” ay tumutukoy sa kabuuan ng Diyos.
a. Ito ay isinalin batay sa pinagkunang teksto na “hú jiǎ hǔ wēi,” na isang idyomang Tsino. Tumutukoy ito sa isang kuwento kung saan itinataboy ng isang soro ang iba pang mga hayop sa pamamagitan ng paglalakad na kasama ang isang tigre, sa gayon ay “hinihiram” niya ang takot na idinudulot at reputasyon ng tigre. Ito ay isang talinghaga, na ginagamit dito upang tumukoy sa mga taong “hinihiram” ang reputasyon ng iba para takutin o apihin ang ibang mga tao.