Gawain at Pagpasok (7)

Ngayon lamang natanto ng tao na hindi lamang ang panustos ng espirituwal na buhay at karanasan sa pagkilala sa Diyos ang kulang sa tao, kundi—ang mas mahalaga pa—ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon. Dahil sa lubos na kamangmangan ng tao tungkol sa kasaysayan at sinaunang kultura ng kanyang sariling lahi, wala man lamang sila ni katiting na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Umaasa ang lahat ng tao na maaaring iugnay ang tao sa Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso, ngunit dahil masyadong tiwali ang laman ng tao, kapwa manhid at mapurol ang utak, naging dahilan ito upang mawalan siya ng kahit anong kaalaman tungkol sa Diyos. Sa pagparito sa tao ngayon, ang layunin ng Diyos ay walang iba kundi baguhin ang mga iniisip at espiritu ng mga tao, pati na ang larawan ng Diyos sa kanilang puso na milyun-milyong taon na nilang taglay sa kanilang puso. Gagamitin Niya ang pagkakataong ito upang gawing perpekto ang tao. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng kaalaman ng tao, babaguhin Niya ang paraan ng pagkilala ng mga tao sa Kanya at ang kanilang saloobin sa Kanya, na magbibigay ng kakayahan sa tao na gumawa ng isang matagumpay na bagong simula sa pagkilala sa Diyos, at magkamit ng paninibago at pagbabago ng espiritu ng tao. Ang pagpupungos at pagdidisiplina ang mga paraan, samantalang ang paglupig at pagpapanibago ang mga layunin. Ang pagwawaksi sa mapamahiing mga kaisipang taglay ng tao tungkol sa malabong Diyos ang layon ng Diyos noon pa man, at nitong huli ay naging isa ring agarang bagay para sa Kanya. Sana’y pag-isipan pang mabuti ng lahat ng tao ang mangyayari sa sitwasyong ito sa hinaharap. Baguhin ang paraan ng pagdanas ng bawat tao upang maisakatuparan ang agarang layuning ito ng Diyos sa lalong madaling panahon at ganap na matapos ang huling yugto ng gawain ng Diyos sa lupa. Ibigay sa Diyos ang debosyong nararapat ninyong ibigay sa Kanya, at sa huling pagkakataon ay maghatid ng ginhawa sa puso ng Diyos. Sa mga kapatid, sana’y walang umiwas sa responsibilidad na ito, o tapusin na lamang ito nang pakunwari. Pumaparito ang Diyos sa katawang-tao sa pagkakataong ito bilang sagot sa isang paanyaya, at tuwirang pagtugon sa kalagayan ng tao. Ibig sabihin, pumaparito Siya upang tustusan ang tao ng mga pangangailangan nito. Anuman ang kakayahan ng tao o naging pagpapalaki rito, bibigyang-kakayahan Niya ang lahat, sa kabuuan, na makita ang salita ng Diyos at, mula sa Kanyang salita, ay makita nila ang pag-iral at pagpapakita ng Diyos at tanggapin nila ang pagpeperpekto Niya sa kanila, na binabago ang mga kaisipan at kuru-kuro ng tao upang matatag na mag-ugat ang orihinal na mukha ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng tao. Ito lamang ang nais ng Diyos sa lupa. Gaano man kalakas ang likas na pagkatao ng tao, o gaano man kasalat ang diwa ng tao, o kung ano talaga ang pag-uugali ng tao noong araw, hindi pinapansin ng Diyos ang mga ito. Inaasahan lamang Niya na ganap na panibaguhin ng tao ang larawan ng Diyos na nasa kaibuturan ng kanyang puso at malaman ang diwa ng sangkatauhan, sa gayon ay mabago ang ideolohikal na pananaw ng tao, at para manabik ang tao sa Diyos sa kanyang kaibuturan at magising sa walang-hanggang pagkagiliw sa Kanya: Ito ang kaisa-isang hinihingi ng Diyos sa tao.

Naisara nang mahigpit ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura at kasaysayan na sumasaklaw sa ilang libong taon ang mga kaisipan at kuru-kuro ng tao at ang pananaw ng kanyang isipan kaya hindi tinatablan at hindi nalulusaw[1] ang mga ito. Naninirahan ang mga tao sa ikalabing-walong bilog ng impiyerno, para lamang silang naitaboy ng Diyos sa mga bartolina, kung saan hindi kailanman nakikita ang liwanag. Naapi na nang husto ng pyudal na pag-iisip ang mga tao kaya halos hindi sila makahinga at nasasakal sila. Wala sila ni katiting na lakas upang lumaban; ang ginagawa lamang nila ay magtiis at magtiis nang tahimik…. Walang sinumang nangahas kailanman na ipaglaban o ipagtanggol ang katarungan at pagiging patas; namumuhay lamang ang mga tao ng isang buhay na mas masahol pa sa hayop, sa ilalim ng mga paghampas at pang-aabuso ng pyudal na etika, araw-araw, at taon-taon. Hindi nila naisip kailanman na hanapin ang Diyos upang matamasa ang kaligayahan sa mundo ng tao. Para bagang napabagsak na ang mga tao hanggang sa maging para silang mga dahong nalaglag sa taglagas, lanta, sira ang kulay, at manipis. Matagal nang nawala ang alaala ng mga tao; walang magawang naninirahan sila sa impiyerno na tinatawag na mundo ng tao, naghihintay sa pagdating ng huling araw upang mawasak sila kasama ang impiyernong ito, na para bang ang huling araw na pinakahihintay nila ay ang araw na tatamasahin ng tao ang payapang kapahingahan. Nadala na ng pyudal na etika ang buhay ng tao sa “Hades,” na lalong nagpahina sa kakayahan ng tao na lumaban. Lahat ng uri ng pang-aapi ay tumutulak sa tao, nang paunti-unti, hanggang sa mahulog ito sa Hades, at tumutulak sa tao nang palayo nang palayo sa Diyos na ngayon ay nadarama nito na isang ganap na estranghero ang Diyos sa kanya, at nagmamadali itong iwasan Siya kapag sila ay nagkatagpo. Hindi Siya pinapansin ng tao at iniiwan Siyang nakatayong mag-isa sa isang tabi, na para bang hindi pa Siya nakilala ng tao kailanman, na hindi pa Siya nakita dati. Subalit matagal nang naghihintay ang Diyos sa tao sa mahabang paglalakbay sa buhay, na hindi kailanman ipinupukol ang Kanyang di-mapigilang galit sa kanya, tahimik lamang na naghihintay, nang walang imik, na magsisi ang tao at magsimulang muli. Matagal nang pumarito ang Diyos sa mundo ng tao upang makibahagi sa mga pagdurusa ng tao sa mundo. Sa lahat ng taon na namuhay Siya sa piling ng tao, wala pang nakatuklas sa Kanyang pag-iral. Tahimik lamang na tinitiis ng Diyos ang paghihirap ng pagiging hamak sa mundo ng tao habang isinasakatuparan ang gawaing personal Niyang dinala. Patuloy Siyang nagtitiis para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama at ng mga pangangailangan ng sangkatauhan, na nagdaranas ng mga pagdurusang hindi kailanman naranasan ng tao. Sa presensiya ng tao tahimik Siyang naglingkod sa kanya, at sa presensiya ng tao Siya ay nagpakumbaba, para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama at maging sa kapakanan ng mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay patagong ninakaw ang tao mula sa presensiya ng Diyos at ipinasa siya sa hari ng mga diyablo at sa mga inapo nito. Nadala na ng Apat na Aklat at Limang Klasiko[a] ang mga kaisipan at mga kuru-kuro ng tao sa isa pang kapanahunan ng paghihimagsik, na naging sanhi upang higit pa siyang sumamba kaysa dati sa mga nagtipon ng Apat na Aklat at Limang Klasiko na ito, at bilang resulta upang lalo pang palalain ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Walang kaalam-alam ang tao, walang-awang pinalayas ng hari ng mga diyablo ang Diyos mula sa kanyang puso at pagkatapos ay tuwang-tuwang matagumpay nito mismong inokupa ang kanyang puso. Mula noon, nag-angkin na ang tao ng pangit na kaluluwa at ng mukha ng hari ng mga diyablo. Napuno ng pagkamuhi sa Diyos ang kanyang dibdib, at kumalat ang pagiging mapaminsala ng hari ng mga diyablo sa kalooban ng tao araw-araw hanggang sa lubos na siyang nalamon nito. Wala na ni katiting na kalayaan ang tao at walang paraang makalaya mula sa mga gusot ng hari ng mga diyablo. Wala siyang nagawa kundi ang mabihag sa mismong lugar na iyon, sumuko at magpasakop sa presensiya nito. Noong araw, nang bata pa ang puso ng tao, itinanim doon ng hari ng mga diyablo ang binhi ng tumor ng ateismo, na nagtuturo sa kanya ng mga maling kaisipan gaya ng “mag-aral ng siyensya at teknolohiya; isakatuparan ang Apat na Modernisasyon; at walang Diyos sa mundo.” Hindi lamang iyan, ipinapahayag nito sa bawat pagkakataon, “Umasa tayo sa ating kasipagan para makabuo tayo ng magandang bayan,” na hinihiling sa bawat tao na maging handa mula pagkabata na makapagserbisyo para sa kanilang bansa. Dinala ang tao, nang walang kamalay-malay, sa presensiya nito, at walang pag-aatubiling kinakamkam nito ang buong kredito (ibig sabihin ay ang kreditong nauukol sa Diyos sa paghawak sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga kamay) para sa sarili nito. Wala itong anumang pakiramdam ng kahihiyan kailanman. Bukod pa rito, walang kahihiyan nitong sinusunggaban ang mga tao ng Diyos at hinihila sila pabalik sa bahay nito, kung saan tumatalon ito na parang daga papunta sa ibabaw ng mesa at pinasasamba ang tao rito bilang “Diyos.” Napakasalbahe nito! Iskandaloso itong sumisigaw ng mga bagay na nakakagulat, tulad ng: “Walang Diyos sa mundo. Ang hangin ay nililikha ng mga pagbabago na pinamamahalaan ng mga batas ng kalikasan; ang ulan ay dumarating kapag ang singaw ng tubig, na sumasalubong sa malalamig na temperatura, ay sumasailalim sa kondensasyon at bumabagsak bilang mga patak sa lupa; ang lindol ay pagyanig ng ibabaw ng lupa dahil sa mga heolohikal na pagbabago; ang tagtuyot ay sanhi ng pagkatuyo sa hangin na dulot ng pagkakahati ng mga nucleon particle sa ibabaw ng araw. Ang mga ito ay mga natural na penomenon. Nasaan, sa lahat ng ito, ang gawa ng Diyos?” Mayroon pa nga iyong mga sumisigaw ng mga kahiya-hiyang pahayag na gaya ng sumusunod: “Ang tao ay nagmula sa unggoy noong unang panahon, at ang mundo ngayon ay nagmumula sa sinaunang lipunan na nagsimula humigit-kumulang isang bilyong taon na ang nakakaraan. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa ay nakasalalay sa mga kamay ng mga mamamayan nito.” Palihim nitong ipinagagawa sa tao na isabit ito sa dingding o ipatong ito sa mesa upang sambahin ito at magbigay-handog dito. Kasabay ng pagsigaw nito ng, “Walang Diyos,” itinataas nito ang sarili bilang diyos, walang habas na itinutulak ang Diyos palabas ng mga hangganan ng lupa, samantalang nakatayo sa lugar ng Diyos at kumikilos bilang ang hari ng mga diyablo. Hindi talaga makatwiran! Sagad sa buto itong kamumuhian ng sinuman. Tila mortal na magkaaway sila ng Diyos, at na hindi maaaring magkasama silang dalawa. Nagbabalak itong itaboy ang Diyos palayo samantalang ito ay malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas.[2] Hari nga ito ng mga diyablo! Paano matitiis ang pag-iral nito? Hindi ito magpapahinga hangga’t hindi nito nagugulo ang gawain ng Diyos at iniiwan itong ganap na magulo,[3] na para bang nais nitong labanan ang Diyos hanggang sa huli, hanggang sa parehas mawasak ang dalawang panig, na sadyang nilalabanan ang Diyos at higit na gumigiit. Matagal nang lubusang nalantad ang kasuklam-suklam nitong mukha, at ngayon ay labis na itong nagulumihanan at natadtad ng mga problema,[4] subalit hindi pa rin nababawasan ang pagkamuhi nito sa Diyos, na para bang huhupa lamang ang pagkamuhing tinimpi sa puso nito kapag nilamon na nito nang buo ang Diyos sa isang subuan. Paano natin matitiis ito, ang kaaway na ito ng Diyos! Tanging ang pagpuksa at ganap na paglipol lamang dito matutupad ang inaasam natin sa buhay. Paanong hahayaan itong patuloy na kumilos nang walang pagpipigil? Nagawa nitong tiwali ang tao hanggang sa ang tao ay hindi na alam ang langit-araw, at naging manhid at mapurol ang isip. Nawalan na ng normal na katwiran ang tao. Bakit hindi natin ialay ang buo nating pagkatao para sirain at sunugin ito upang maalis ang lahat ng alalahanin sa hinaharap at tulutan ang gawain ng Diyos na umabot sa walang-katumbas na kaningningan sa lalong madaling panahon? Naparito sa mundo ng tao ang grupong ito ng mga tampalasan at ginulo ito nang husto. Nadala na nila ang buong sangkatauhan sa bingit ng isang bangin, lihim na nagpaplanong itulak ang sangkatauhan pababa para magkaluray-luray upang malamon nila ang bangkay ng mga ito pagkatapos. Walang saysay silang umaasang wasakin ang plano ng Diyos at makipagkompetensiya sa Kanya, na sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan.[5] Hindi madaling gawin iyon! Kunsabagay ay nakahanda na ang krus para sa hari ng mga diyablo, na may kagagawan ng pinakamasasamang krimen. Hindi nabibilang ang Diyos sa krus. Ibinato na Niya ito sa diyablo. Matagal nang nanalo ang Diyos at hindi na nakakaramdam ng kalungkutan sa mga kasalanan ng sangkatauhan, ngunit maghahatid Siya ng kaligtasan sa buong sangkatauhan.

Mula itaas hanggang ibaba at mula simula hanggang wakas, ginugulo na ni Satanas ang gawain ng Diyos at kumikilos laban sa Kanya. Lahat ng ito tungkol sa “sinaunang pamanang kultura,” mahalagang “kaalaman tungkol sa sinaunang kultura,” “mga turo ng Taoism at Confucianism,” at “Confucian classics at mga seremonyang pyudal” ay dinala na ang tao sa impiyerno. Ang maunlad na makabagong-panahong siyensya at teknolohiya, pati na ang lubhang maunlad na industriya, agrikultura, at pagnenegosyo ay hindi makita kahit saan. Sa halip, binibigyang-diin lamang nito ang mga ritwal na pyudal na dinala ng sinaunang “mga unggoy” upang sadyang gambalain, labanan, at lansagin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang nito patuloy na pinagdurusa ang tao hanggang sa araw na ito, kundi nais pa nitong lunukin[6] nang buo ang tao. Ang paghahatid ng mga turo ng pyudal na etika at ang pagpapasa ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay matagal nang nakahawa sa sangkatauhan, at ginawa silang mga diyablong malalaki at maliliit. Iilan lamang ang masayang tatanggap sa Diyos, at iilan lamang ang buong kagalakang sasalubong sa Kanyang pagdating. Ang mukha ng buong sangkatauhan ay puno ng intensyong pumatay, at sa lahat ng lugar, bumabalot sa paligid ang mapamatay na awra. Hangad nilang palayasin ang Diyos mula sa lupaing ito; hawak ang mga kutsilyo at espada, inaayos nila ang kanilang sarili sa pakikipaglaban upang “puksain” ang Diyos. Sa buong lupaing ito ng mga diyablo, kung saan palaging itinuturo sa tao na walang Diyos, nagkalat ang mga diyos-diyosan, at ang hangin sa itaas ay puno ng nakasusukang amoy ng sunog na papel at insenso, na masyadong makapal kaya mahirap huminga. Para iyong amoy ng burak na sumisingaw pataas sa pagpilipit ng makamandag na ahas, kaya hindi mapigilan na masuka. Bukod dito, bahagyang maririnig ang tunog ng masasamang demonyo na nagsasambit ng mga kasulatan, isang ingay na tila nanggagaling sa malayong impiyerno, kaya hindi mapigilan na manginig. Sa lahat ng dako ng lupaing ito ay may nakalagay na mga diyos-diyosan na may maraming iba’t ibang kulay, na ginagawang isang matingkad at malabis na mundo ang lupain, samantalang patuloy na humahalakhak nang buong kasamaan ang hari ng mga diyablo, na para bang nagtagumpay na ang balak nito. Samantala, nananatiling lubos na walang alam ang tao, at ni wala rin siyang kamalay-malay na nagawa na siyang tiwali ng diyablo hanggang sa punto kung saan nawalan na siya ng kamalayan at nasiraan ng loob. Nais nitong puksain, sa isang iglap, ang lahat ng tungkol sa Diyos, at muli Siyang lapastanganin at palihim na paslangin; hangad nitong buwagin at guluhin ang Kanyang gawain. Paano nito matutulutan ang Diyos na makapantay sa katayuan? Paano nito matitiis na “manghimasok” ang Diyos sa gawain nito sa mundo ng tao? Paano nito matutulutan ang Diyos na ilantad ang kasuklam-suklam nitong mukha? Paano nito matutulutan ang Diyos na gambalain ang gawain nito? Paano mapapayagan ng diyablong ito, na nagpupuyos ang galit, na makontrol ng Diyos ang naghaharing korte nito sa lupa? Paano nito magagawang kusang-loob na yumuko sa nakahihigit Niyang kapangyarihan? Nabunyag na ang kasuklam-suklam nitong mukha kung ano talaga ito, kaya hindi alam ng tao kung tatawa o iiyak, at talagang mahirap itong masabi. Hindi ba’t ito ang diwa nito? Nang may mga pangit na kaluluwa, naniniwala pa rin sila na di-kapani-paniwala ang kagandahan nila—ang grupong ito ng magkakasabuwat sa krimen![7] Bumababa sila sa mundo ng mga mortal upang magpakasaya at magsanhi ng kaguluhan, na ginugulo nang husto ang mga bagay-bagay kaya nagiging salawahan at pabagu-bago ang mundo at natataranta at hindi mapakali ang puso ng tao, at napaglaruan nila nang husto ang tao kaya nagmukha siyang isang malahalimaw na hayop sa parang, napakapangit, at nawala na ang pinakahuling bakas ng orihinal na taong dalisay. Bukod pa rito, nais pa nilang kunin ang pinakamataas na kapangyarihan sa lupa. Hinahadlangan nila nang husto ang gawain ng Diyos kaya hindi ito halos makasulong, at sinasarhan nila ang tao nang kasinghigpit ng mga pader na tanso at bakal. Dahil napakaraming nagawang malubhang kasalanan at nagsanhi ng napakaraming kalamidad, may inaasahan pa ba silang iba maliban sa pagkastigo? May ilang panahon nang naghuhuramentado ang mga diyablo at demonyo sa lupa, at sinarhan na ng mga ito kapwa ang mga layunin at ang dugo ng puso ng Diyos kaya walang makalabas. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi magagalit ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakamapaghimagsik! Pati ang mga demonyong iyon, na malalaki at maliliit, ay parang mga asong-gubat na mahigpit na bumubuntot sa leon, at sumusunod sa daloy ng kasamaan sa pagbabalak na manggulo. Batid ang katotohanan, sadya nila itong nilalabanan, ang mga anak na ito ng paghihimagsik! Para bang, ngayong nakaakyat na ang kanilang hari ng impiyerno sa luklukan ng hari, naging komportable sila at mayabang, tinatrato ang lahat ng iba nang may pag-alipusta. Ilan sa kanila ang naghahanap sa katotohanan at sumusunod sa katarungan? Silang lahat ay mga hayop, walang ipinagkaiba sa mga baboy at aso, namumuno sa isang pangkat ng mababahong langaw, iwinawagwag ang kanilang ulo nang nasisiyahan sa kanilang sarili para batiin ang kanilang sarili at nagpapasimula ng lahat ng klase ng gulo,[8] sa gitna ng isang tumpok ng dumi ng hayop. Naniniwala sila na ang kanilang hari ng impiyerno ang pinakadakilang hari sa lahat, nang hindi natatanto na sila mismo ay hindi higit sa mababahong langaw. Subalit, sinasamantala nila ang kapangyarihan ng kanilang mga magulang na baboy at aso para siraang-puri ang pag-iral ng Diyos. Bilang maliliit na langaw, naniniwala sila na kasinlaki ng mga asul na balyena[9] ang kanilang mga magulang. Hindi ba’t alam nila na, samantalang sila man ay napakaliliit, ang kanilang mga magulang ay maruruming baboy at aso na daan-daang milyong beses na mas malaki kaysa sa kanila? Walang kamalay-malay sa sarili nilang kaabahan, umaasa sila sa baho ng kabulukang nagmumula sa mga baboy at asong iyon para maghari-harian, walang saysay na iniisip na magpakarami para sa hinaharap na mga henerasyon, nang hindi nahihiya! May berdeng mga pakpak sa kanilang likod (tumutukoy ito sa pahayag nila na naniniwala sila sa Diyos), hambog sila at ipinagyayabang nila sa lahat ng dako ang sarili nilang kagandahan at pang-akit, samantalang lihim nilang inihahagis sa tao ang karumihan sa sarili nilang katawan. Bukod pa rito, labis silang nasisiyahan sa kanilang sarili, na para bang magagamit nila ang isang pares ng mga pakpak na maraming iba’t ibang kulay para itago ang sarili nilang karumihan, at sa pamamagitan nito, ipinapataw nila ang kanilang pang-uusig laban sa pag-iral ng tunay na Diyos (tumutukoy ito sa mga nangyayari sa likod ng mga eksena sa mundo ng relihiyon). Paano malalaman ng tao na, nakabibighani man ang ganda ng mga pakpak ng isang langaw, ang langaw mismo, kung tutuusin, ay hindi higit sa isang maliit na nilalang, na puno ng dumi ang tiyan at balot ng mga mikrobyo ang katawan? Sa lakas na taglay ng mga magulang nila na baboy at aso, naghuhuramentado sila sa buong lupain (tumutukoy ito sa paraan kung saan umaasa ang mga opisyal ng relihiyon na umuusig sa Diyos sa malakas na suporta ng gobyerno ng bansa upang ipagkanulo ang tunay na Diyos at ang katotohanan), na walang pigil sa kanilang kalupitan. Parang nagbalik ang mga multo ng mga Hudyong Pariseo kasama ang Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon, pabalik sa dati nilang pugad. Nagsimula na sila ng isa pang pag-uusig, na itinutuloy ang kanilang gawain ilang libong taon na ang nakararaan. Ang grupong ito ng mga tampalasan ay tiyak na mamamatay sa lupa sa huli! Lalabas na, pagkaraan ng ilang libong taon, naging mas tuso at mandaraya pa ang maruruming espiritu. Palagi nilang gustong isabotahe ang gawain ng Diyos nang palihim. Napakarami nilang mga panlalansi at panlilinlang, at nais nilang ulitin sa kanilang lupang-tinubuan ang trahedyang naganap ilang libong taon na ang nakaraan, hanggang sa halos mapasigaw ang Diyos. Halos hindi Niya mapigil ang Kanyang Sarili na magbalik sa ikatlong langit upang lipulin sila. Para mahalin ng tao ang Diyos, kailangan niyang maunawaan ang Kanyang mga layunin, malaman ang Kanyang mga kagalakan at kalungkutan, at maunawaan kung ano ang Kanyang kinasusuklaman. Ang paggawa nito ay lalong mag-uudyok sa pagpasok ng tao. Kapag mas mabilis ang pagpasok ng tao, mas mabilis na matutugunan ang mga layunin ng Diyos, mas malinaw na makikilala ng tao ang hari ng mga diyablo, at mas mapapalapit siya sa Diyos, upang matupad ang Kanyang hangarin.

Mga Talababa:

1. Ang “hindi nalulusaw” ay nilayon bilang panunudyo dito, na ibig sabihin ay maigting ang mga tao sa kanilang kaalaman, kultura, at espirituwal na pananaw.

2. Ang “malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas” ay nagpapahiwatig na nagagalit at naghuhuramentado ang diyablo.

3. Ang “ganap na magulo” ay tumutukoy sa kung paanong hindi makayanang tingnan ang marahas na pag-uugali ng diyablo.

4. Ang “lamog at bugbog” ay tumutukoy sa pangit na mukha ng hari ng mga diyablo.

5. Ang ibig sabihin ng “sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan” ay itaya ang lahat ng pera ng isang tao sa pag-asang manalo sa huli. Ito ay isang metapora para sa masama at karumal-dumal na mga pakana ng diyablo. Ginagamit ang pahayag na ito nang patuya.

6. Ang “lunukin” ay tumutukoy sa marahas na pag-uugali ng hari ng mga diyablo, na sinasaklot nang buo ang mga tao.

7. Ang “magkakasabuwat sa krimen” ay kapareho ng uri ng “isang grupo ng mga butangero.”

8. Ang “nagpapasimula ng lahat ng klase ng gulo” ay tumutukoy sa kung paano ginugulo, hinahadlangan at nilalabanan ng mga tao na sa mga diyablo ang gawain ng Diyos.

9. Ang “mga asul na balyena” ay ginagamit nang patuya. Ito ay isang metapora para sa kung paanong napakaliliit ng mga langaw kaya mukhang kasinlaki ng mga balyena ang mga baboy at aso.

a. Ang Apat na Aklat at Limang Klasiko ay mapagkakatiwalaang tumpak na mga aklat ng Confucianism sa China.

Sinundan: Gawain at Pagpasok (6)

Sumunod: Gawain at Pagpasok (8)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito