VI. Mga Salita tungkol sa Biblia
240. Sa loob ng maraming taon, ang kinaugaliang paraan ng paniniwala ng mga tao (niyong sa Kristiyanismo, isa sa tatlong pangunahing relihiyon sa mundo) ay ang basahin ang Biblia. Ang paglihis mula sa Biblia ay hindi paniniwala sa Panginoon, ang paglihis mula sa Biblia ay paglihis sa mga panuntunan sa pananampalataya, at maling paniniwala, at kahit na magbasa pa ang mga tao ng ibang mga libro, ang paliwanag sa Biblia ang dapat na pundasyon ng mga librong ito. Ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Panginoon, dapat mong basahin ang Biblia, at maliban sa Biblia, hindi ka dapat sumamba sa anumang aklat na walang kinalaman sa Biblia. Kung ginagawa mo iyon, pinagtataksilan mo ang Diyos. Mula sa panahon ng pagkakaroon ng Biblia, ang pananalig ng mga tao sa Panginoon ay ang pananalig sa Biblia. Sa halip na sabihing ang mga tao ay naniniwala sa Panginoon, mas mabuting sabihin na naniniwala sila sa Biblia; sa halip na sabihing nagsimula na silang magbasa ng Biblia, mas mabuting sabihing nagsimula na silang maniwala sa Biblia; at sa halip na sabihing nagbalik na sila sa Panginoon, mas mabuti pang sabihing nagbalik na sila sa Biblia. Sa ganitong paraan, sinasamba ng mga tao ang Biblia na para bang ito ang Diyos, na para bang ito ang dugong bumubuhay sa kanila, at ang mawalan nito ay kapareho ng mawalan ng kanilang buhay. Itinuturing ng mga tao ang Biblia na kasintaas ng Diyos, at mayroon pang itinuturing itong mas mataas kaysa sa Diyos. Kung wala sa mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi nila nadarama ang Diyos, maaari pa rin silang patuloy na mabuhay—ngunit sa sandaling mawala sa kanila ang Biblia, o mawala ang mga kilalang kabanata at kasabihan mula sa Biblia, parang nawalan na rin sila ng buhay. At dahil dito, sa sandaling maniwala ang mga tao sa Panginoon, inuumpisahan na nilang basahin ang Biblia, at kabisaduhin ang Biblia, at habang mas dumarami ang nakakabisa nila mula sa Biblia, mas napapatunayan nito na mahal nila ang Panginoon at malaki ang kanilang pananampalataya. Ang lahat ng mga nakapagbasa ng Biblia at nakapagbabahagi nito sa iba ay mabubuting mga kapatid. Sa buong panahong ito, ang pananampalataya at katapatan ng mga tao sa Panginoon ay nasusukat ayon sa lawak ng kanilang pagkaunawa sa Biblia. Hindi lamang talaga nauunawaan ng karamihan ng mga tao kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos, o kaya ay paano maniwala sa Diyos, at wala silang ginagawa kundi pikit-matang maghanap ng mga pahiwatig upang maunawaan ang mga kabanata sa Biblia. Hindi kailanman hinanap ng mga tao ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu; simula’t sapul, wala silang ginawa kundi desperadong pag-aralan at siyasatin ang Biblia, at walang sinumang nakahanap ng bagong gawain ng Banal na Espiritu na labas sa Biblia. Walang sinumang lumihis kahit minsan mula sa Biblia, ni nangahas na gawin ito. Ang mga taong pinag-aralan ang Biblia sa loob ng mga taong ito, sila ay nakabuo ng napakaraming paliwanag, at nag-ukol ng napakaraming paggawa. Marami rin silang pagkakaiba-iba ng opinyon tungkol sa Biblia, na walang katapusan nilang pinagtatalunan, kaya nga mahigit pa sa dalawang libong magkakaibang denominasyon na ang nabuo ngayon. Silang lahat ay nagnanais makahanap ng ilang natatanging mga paliwanag, o mas malalalim na mga misteryo sa Biblia, nais nilang galugarin ito, at makita rito ang naganap para sa gawain ni Jehova sa Israel, o ang naganap para sa gawain ni Jesus sa Judea, o karagdagang mga misteryo na walang sinumang nakakaalam. Ang pagturing ng mga tao sa Biblia ay isang pagkahumaling at pananampalataya, at walang sinuman ang nagbibigay ng ganap na kalinawan tungkol sa nakapaloob na kuwento o diwa ng Biblia. Kaya ngayon ang mga tao ay mayroon pa ring di-mailarawang diwa ng kahiwagaan pagdating sa Biblia, at mas nahuhumaling pa sila rito, at nagkakaroon pa nga ng higit na pananalig rito. Ngayon, lahat ay nagnanais na mahanap ang mga propesiya ng mga gawain sa mga huling araw sa Biblia, nais nilang matuklasan kung anong gawain ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw, at kung anong mga tanda ang naroon sa mga huling araw. Sa ganitong paraan, ang kanilang pagsamba sa Biblia ay nagiging mas taimtim, at habang mas nalalapit ang mga huling araw, higit na bulag na pananalig ang ibinibigay nila sa mga propesiya sa Biblia, partikular na sa mga tungkol sa mga huling araw. Sa ganito kabulag na paniniwala sa Biblia, sa ganitong pagtitiwala sa Biblia, wala na silang hangad na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila na ang Biblia lamang ang maaaring maghatid ng gawain ng Banal na Espiritu, sa Biblia lamang nila makikita ang mga yapak ng Diyos, sa Biblia lamang nakatago ang mga hiwaga ng gawain ng Diyos, ang Biblia lamang—hindi ang ibang mga aklat o tao—ang makapaglilinaw ng lahat tungkol sa Diyos at sa kabuuan ng Kanyang gawain. Ang Biblia ay maaaring maghatid ng gawain ng langit sa lupa, at ang Biblia ay maaaring kapwa simulan at tapusin ang mga kapanahunan. Sa mga kuru-kuro na ito, wala nang kagustuhan ang mga tao na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya, gaano man kalaki ang naging tulong ng Biblia sa mga tao noong araw, ito ay naging isang balakid sa pinakabagong gawain ng Diyos. Kung wala ang Biblia, maaaring hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa ibang lugar, ngunit ngayon, nakapaloob na ang Kanyang mga yapak sa Biblia, at naging doble ang hirap ng pagpapalawak ng Kanyang pinakabagong gawain, at tila isa itong paakyat na paglalakbay. Lahat ng ito ay dahil sa kilalang mga kabanata at kasabihan mula sa Biblia, at dahil na rin sa iba’t ibang mga propesiya sa Biblia. Ang Biblia ay naging idolo sa isipan ng mga tao, ito ay naging isang palaisipan sa kanilang mga utak, at sadyang hindi nila kayang paniwalaang makagagawa ang Diyos ng gawaing nasa labas ng Biblia, hindi nila kayang paniwalaan na matatagpuan ng mga tao ang Diyos nang labas sa Biblia, at mas lalong hindi nila magawang paniwalaan na maaaring lumihis ang Diyos sa Biblia sa huling gawain at magsimulang muli. Hindi ito sukat maisip ng mga tao, hindi sila makapaniwala rito, at hindi rin nila ito makita sa kanilang isipan. Ang Biblia ay naging isa nang malaking balakid sa pagtanggap ng mga tao sa bagong gawain ng Diyos, at pagpapahirap sa pagpapalawak ng Diyos ng bagong gawaing ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
241. Anong uri ng libro ang Biblia? Ang Lumang Tipan ay ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Lumang Tipan ng Biblia ay nagtatala ng lahat ng gawain ni Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan at ng Kanyang gawain ng paglikha. Ang lahat ng ito ay nagtatala ng gawain na tinapos ni Jehova, at sa huli ay nagtatapos sa mga salaysay ng gawain ni Jehova sa Aklat ni Malakias. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng dalawang bahagi ng gawain na tinapos ng Diyos: Ang isa ay ang gawain ng paglikha, at ang isa ay pag-aatas ng mga kautusan. Ito ay parehong gawain na ginawa ni Jehova. Ang Kapanahunan ng Kautusan ay kumakatawan sa gawain sa ilalim ng pangalan ng Diyos na si Jehova; ito ay kabuuan ng mga gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jehova. Sa gayon, ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jehova, at ang Bagong Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jesus, gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jesus. Ang kahalagahan ng pangalan ni Jesus at ang karamihan sa gawain na Kanyang ginawa ay nakatala sa Bagong Tipan. Sa panahon ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan, itinatag ni Jehova ang templo at altar sa Israel, ginabayan Niya ang buhay ng mga Israelita sa daigdig, na nagpapatunay na sila ang Kanyang bayang pinili, ang unang grupo ng mga tao na Kanyang pinili sa daigdig at naghahangad sa Kanyang puso, ang unang grupo na personal Niyang pinamunuan. Ang labindalawang lipi ng Israel ay ang mga unang pinili ni Jehova, at dahil dito, Siya ay palagiang kumilos sa kanila, hanggang sa katapusan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang ikalawang yugto ng gawain ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ng Bagong Tipan, at ito ay isinagawa sa mga Judio, sa isa sa labindalawang tribo ng Israel. Ang saklaw ng gawaing ito ay mas maliit dahil si Jesus ay Diyos na naging tao. Si Jesus ay gumawa lamang sa buong lupain ng Judea, at gumawa lamang ng gawain sa loob ng tatlo-at-kalahating taon; sa gayon, malayong malagpasan ng mga nakatala sa Bagong Tipan ang bilang ng gawain na nakatala sa Lumang Tipan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
242. Matapos gawin ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, nabuo ang Lumang Tipan, at noon nagsimulang magbasa ng Biblia ang mga tao. Matapos dumating ni Jesus, ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at isinulat ng Kanyang mga apostol ang Bagong Tipan. Dahil dito ay nabuo ang Luma at Bagong Tipan ng Biblia, at kahit hanggang ngayon, lahat ng naniniwala sa Diyos ay nagbabasa ng Biblia. Ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan. Siyempre, ito rin ay naglalaman ng ilan sa mga sinabi ng mga propeta na mangyayari sa hinaharap, at siyempre, ang mga ito ay hindi kabilang sa kasaysayan. Ang Biblia ay kinabibilangan ng ilang bahagi—hindi lamang propesiya, o gawain lamang ni Jehova, o mga sulat lamang ni Pablo. Kailangan mong malaman kung gaano karami ang mga bahaging nakalangkap sa Biblia. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodus…, at mayroon ding mga aklat ng propesiya na isinulat ng mga propeta. Sa huli, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. Itinatala nito ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na pinamunuan ni Jehova. Mula sa Genesis hanggang sa Aklat ni Malakias, ito ay isang komprehensibong tala ng lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Sinasabi nito na ang Lumang Tipan ay tala ng lahat ng karanasan ng tao na ginabayan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ginamit ni Jehova ay nagwika ng mga propesiya para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at sinabi ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang lahat ng mga taong ito na ginamit ng Diyos ay binigyan ni Jehova ng Espiritu ng propesiya. Nakita nila ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig nila ang Kanyang tinig, at dahil dito, sila’y nabigyan Niya ng inspirasyon at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay paghahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon upang magabayan ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi Siya nagkatawang-tao, at hindi nakita ng mga tao ang Kanyang mukha. Kung kaya’t, gumamit Siya ang maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at angkan ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila ay isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang ipakita sa iba. Ginamit ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang sabihin ang gawain ng hinaharap o ang gawain na gagawin pa sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagiging kamangha-mangha at ang karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Biblia. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga nabigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nakakita ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga sinabi ng mga propeta na ginamit ni Jehova, kung paanong ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa maisagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos nito, na siya namang kayang gawin ng mga tao. Ang mga propeta ng panahong iyon ay binigyang-inspirasyon ni Jehova at nagsabi ng ilang propesiya, marami silang binigkas na mga salita, at nagbigay sila ng propesiya tungkol sa mga bagay ng Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin ang pagkawasak ng mundo sa mga huling araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Nakatala sa lahat ng mga natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. Dahil dito, kapag binabasa mo ang Biblia, ang binabasa mo higit sa lahat ay kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel. Pangunahing nakatala sa Lumang Tipan ng Biblia ang gawain ni Jehova ng paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis ng mga kadena ng Paraon sa kanila, at nagdala sa kanila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumunod dito ay tungkol sa kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito ang gawaing ginawa ni Jehova sa lupain kung saan nilikha Niya sina Adan at Eba. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawain sa labas ng Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa simula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay hindi gumawa sa anupamang lugar. Sa ganitong paraan, ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Biblia ay pulos gawain ng Diyos sa Israel noong panahong iyon. Ang mga salitang binigkas ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ang kanilang mga salita ay nagbanggit ng iba pa Niyang mga gawain sa daigdig, binanggit ng mga ito ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, ang lahat ng iba pa ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova noong panahong iyon.
Ang gawain ng paglikha ay nangyari bago nagkaroon ng sangkatauhan, ngunit dumating lamang ang Aklat ng Genesis matapos magkaroon ng sangkatauhan; ito ay isang aklat na isinulat ni Moises noong Kapanahunan ng Kautusan. Ito ay tulad ng mga bagay na nangyayari sa inyo ngayon: Pagkatapos nilang mangyari, isinusulat ninyo ang mga ito upang ipakita sa mga tao sa hinaharap, at para sa mga tao sa hinaharap, ang inyong mga naitala ay bagay na nangyari noong nakalipas na panahon—ito’y kasaysayan lamang. Ang mga bagay na naitala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, at ang nakatala sa Bagong Tipan ay gawain ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya; itinala ng mga ito ang gawain na tinapos ng Diyos sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, at dahil dito, ang Lumang Tipan ay isang makasaysayang libro, habang ang Bagong Tipan ay bunga ng gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Nang magsimula ang bagong gawain, naluma na rin ang Lumang Tipan—at dahil dito, ang Bagong Tipan ay isa ring makasaysayang libro. Siyempre, ang Bagong Tipan ay hindi kasing-sistematiko ng Lumang Tipan, at hindi nagtatala ng kasindaming mga bagay. Ang lahat ng mga salitang binigkas ni Jehova ay nakatala sa Lumang Tipan ng Biblia, samantalang ilan lamang sa mga salita ni Jesus ang nakatala sa Apat na Ebanghelyo. Tunay ngang marami ring ginawa si Jesus, ngunit hindi ito naitala nang detalyado. Mas kaunti ang naitala sa Bagong Tipan dahil sa kung gaano karami ang nagawa ni Jesus; ang dami ng Kanyang gawain sa loob ng tatlo-at-kalahating taon sa daigdig at ang gawain ng mga apostol ay higit na kakaunti kaysa sa gawain ni Jehova. At sa gayon, mas kaunti ang mga aklat sa Bagong Tipan kaysa sa Lumang Tipan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
243. Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Bagong Tipan ay naitala dalawampu hanggang tatlumpung taon matapos ipako sa krus si Jesus. Dati-rati, Lumang Tipan lang ang binabasa ng bayan ng Israel. Ibig sabihin, sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya Lumang Tipan ang binabasa ng mga tao. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ang Kanyang gawain ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, karagdagan pa rito ang mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang mahigit tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, mapiling tinipon ng mga sumunod na henerasyon ang mga dokumentong ito, at saka lamang nagkaroon ng Bagong Tipan ang Biblia. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, at sumulat si Pablo at ang iba pang mga apostol ng napakaraming sulat sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar. Pinagsama-sama ng mga taong sumunod sa kanila ang mga sulat nila, at idinagdag ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos, kung saan ipinropesiya ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Ginawa ng mga tao ang pagkakasunud-sunod na ito, na iba kaysa mga pagbigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na isinakatuparan ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Ikaw—sangkatauhan—ay hindi kailangang makialam; ang mga salita, na tuwirang nagmula sa Espiritu, ay naisasaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pagkaalam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Biblia bilang Diyos napakamangmang at napakahangal mo! Bakit hindi mo hinahanap ang gawain ng Diyos sa ngayon? Gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Biblia ang tao, maaari nilang basahin ito nang ilang libong taon at wala pa ring magiging pagbabago sa kanila kahit katiting, at kung sasambahin mo ang Biblia hinding-hindi mo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3
244. Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magpakahulugan sa Biblia ay tulad ng pagkasumpong sa tunay na daan—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Biblia: na ito’y walang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at hindi nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Biblia na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na nakalipas ay gumagawa sa mga ito na kasaysayan, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan. Sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! At kaya, kung iyo lamang nauunawaan ang Biblia, at walang nauunawaan sa gawain na nilalayong isakatuparan ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos nguni’t hindi hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Biblia upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa buong kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad ang buhay, dahil hinahangad mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahangad ang mga walang-buhay na titik at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Biblia—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga yaon na naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4
245. Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sumunod ang mga Israelita sa landas ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ng kasalukuyan, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Biblia. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang mga hinirang sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Sa gayon, ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit, mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi makikita o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Biblia ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino sana ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon, nang walang makakaligtaan, nang hindi pa nangyayari? Sino sana ang maaaring makapagtala nitong mas makapangyarihan, mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Biblia, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Biblia. Saka ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at saka ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain. Dapat mong maunawaan kung bakit hinihiling ngayon na huwag mong basahin ang Biblia, kung bakit mayroong ibang gawain na hiwalay sa Biblia, kung bakit ang Diyos ay hindi na naghahanap ng mas bago, mas detalyadong pagsasagawa sa Biblia, at kung bakit sa halip ay mayroong mas makapangyarihang gawain sa labas ng Biblia. Ito ang lahat ng dapat ninyong maunawaan. Kailangan mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong gawain, at kahit na hindi mo binabasa ang Biblia, dapat ay kaya mo itong suriin; kung hindi, sasambahin mo pa rin ang Biblia, at magiging mahirap para sa iyo na makapasok sa bagong gawain at sumailalim sa mga bagong pagbabago. Yamang mayroong mas mataas na daan, bakit pag-aaralan ang mas mababa, makalumang daan? Yamang may bagong mga pagbigkas, at mas bagong gawain, bakit mamumuhay sa gitna ng lumang makasaysayang mga talaan? Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapaglaan sa inyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi ka magagawang pagsawain, o hindi tutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan na ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito pa rin ay kasaysayan ng mga pagninilay ng mga tao, at kahit ano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito pa rin ay lumang daan. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na walang nakatala tungkol dito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay ang dito at ngayon. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
246. Dapat ninyong maunawaan ang Biblia—ang gawaing ito ay pinakakinakailangan! Ngayon, hindi mo kailangang basahin ang Biblia, dahil walang bago dito; lahat ito ay luma. Ang Biblia ay isang makasaysayang aklat, at kung nakain at nainom mo ang Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya—kung naisagawa mo kung ano ang kinailangan sa panahon ng Lumang Tipan noong Kapanahunan ng Biyaya—maaaring ikaw ay natanggihan at nakondena ni Jesus; kung inilapat mo ang Lumang Tipan sa gawain ni Jesus, maaring ikaw ay naging isang Fariseo. Kung ngayon ay ipinag-isa mo ang Luma at Bagong Tipan upang kainin at inumin, at isagawa, kokondenahin ka ng Diyos ng ngayon; ikaw ay mapag-iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan! Kung kumain at uminom ka ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan, ikaw ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu! Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Judio at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Biblia bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Biblia, o kaya ay naghanap sa Biblia ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula sa kung kailan Siya nagsimulang gumawa, ipinalaganap Niya ang daan ng pagsisisi—isang salita kung saan lubusang walang nabanggit sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Biblia, kundi Siya ay namuno rin sa isang bagong daan, at gumawa ng bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Biblia kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Dahil dito, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Basta lamang ginawa ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Biblia—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang turo, at sa Kanyang kakayahan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang manguna sa bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Biblia, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Siya ay basta lamang dumating upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong, dahil hindi isinaalang-alang ng Kanyang gawain kung pagbabatayan ba nito ang Biblia; basta na lamang dumating si Jesus upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin. Dahil dito, hindi Niya ipinaliwanag ang mga propesiya ng Lumang Tipan, o kaya ay gumawa nang ayon sa mga salita ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan. Hindi Niya pinansin ang sinabi ng Lumang Tipan, hindi mahalaga sa Kanya kung ang Kanyang gawain ay sinang-ayunan nito o hindi, at hindi mahalaga kung ano ang alam ng iba sa Kanyang gawain, o kung paano nila kinondena ito. Basta na lamang Niya ipinagpatuloy ang gawain na dapat Niyang gawin, kahit na maraming tao ang gumamit ng mga propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan upang kondenahin Siya. Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba ito kamalian ng tao? Ang doktrina ba ay kailangang iangkop sa gawain ng Diyos? At ito ba ay dapat na naaayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung sabagay, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Biblia? Bakit kailangang maging ayon sa Biblia ang gawain ng Diyos? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Biblia? Hindi ba maaaring lumayo ang Diyos sa Biblia at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya nang isinasaalang-alang ang araw ng Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya hindi isinagawa ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Biblia! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Biblia?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
247. Nabasa ng lahat ng Judio ang Lumang Tipan at alam nila ang propesiya ni Isaias na may isang sanggol na lalaki na isisilang sa isang sabsaban. Kung gayon, bakit inusig pa rin nila si Jesus sa kabila ng lubos na pagkaalam sa propesiyang ito? Hindi ba dahil sa kanilang likas na pagkasuwail at kamangmangan tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa panahong iyon, naniwala ang mga Fariseo na ang gawain ni Jesus ay naiiba sa alam nila tungkol sa ipinropesiyang sanggol na lalaki, at tinatanggihan ng mga tao ngayon ang Diyos dahil hindi sang-ayon sa Biblia ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba pareho ang diwa ng kanilang pagkasuwail sa Diyos? Matatanggap mo ba, nang walang pag-aalinlangan, ang buong gawain ng Banal na Espiritu? Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ito ang tamang daloy, at dapat mong tanggapin ito nang walang anumang mga pagdududa; hindi mo dapat piliin kung ano ang iyong tatanggapin. Kung magkamit ka ng mas maraming kabatiran sa Diyos at mas maingat ka sa Kanya, hindi ba ito kalabisan? Hindi mo kailangang humanap ng iba pang patunay mula sa Biblia; kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, kailangan mong tanggapin ito, sapagkat naniniwala ka sa Diyos upang sundan ang Diyos, at hindi mo Siya dapat siyasatin. Hindi ka dapat maghanap ng iba pang katibayan tungkol sa Akin upang patunayan na Ako ang iyong Diyos, kundi dapat mong mahiwatigan kung may pakinabang Ako sa iyo—ito ang pinakamahalaga. Kahit makakita ka ng maraming di-mapabulaanang patunay sa Biblia, hindi ka nito lubos na maihaharap sa Akin. Mamumuhay ka lamang sa loob ng sakop ng Biblia, at hindi sa Aking harapan; hindi ka matutulungan ng Biblia na makilala Ako, ni hindi nito mapapalalim ang pagmamahal mo sa Akin. Bagama’t ipinropesiya sa Biblia na isisilang ang isang sanggol na lalaki, walang sinumang makakaarok kung kanino matutupad ang propesiya, sapagkat hindi alam ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ang dahilan kaya nilabanan ng mga Fariseo si Jesus. Alam ng ilan na ang Aking gawain ay para sa interes ng tao, subalit patuloy silang naniniwala na si Jesus at Ako ay dalawang ganap na magkahiwalay, at hindi magkatugma. Sa panahong iyon, nagbigay lamang ng sunud-sunod na sermon si Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Kapanahunan ng Biyaya tungkol sa mga paksa kung paano magsagawa, paano magtipun-tipon, paano magmakaawa sa panalangin, paano tratuhin ang iba, at iba pa. Ang gawaing Kanyang isinagawa ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at ipinaliwanag lamang Niya kung paano nararapat magsagawa ang mga disipulo at yaong mga sumunod sa Kanya. Ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at wala Siyang ginawa sa gawain ng mga huling araw. Nang itakda ni Jehova ang batas ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa noon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya maagang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba ito makakatulong na tanggapin ito ng tao? Ipinropesiya lamang Niya na isisilang ang isang sanggol na lalaki at magiging makapangyarihan, ngunit hindi Niya isinagawa nang maaga ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawat isang kapanahunan ay may malilinaw na hangganan; ginagawa lamang Niya ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan, at hindi Niya isinasakatuparan nang maaga ang sumunod na yugto ng gawain kailanman. Sa ganitong paraan lamang maisusulong ang Kanyang gawaing kumakatawan sa bawat kapanahunan. Nagsalita lamang si Jesus tungkol sa mga tanda ng huling mga araw, paano maging mapagpasensya at paano maligtas, paano magsisi at mangumpisal, at kung paano magpasan ng krus at magtiis ng hirap; hindi Niya kailanman binanggit kung paano dapat pumasok ang tao sa huling mga araw, ni kung paano niya dapat hangaring palugurin ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, hindi ba katawa-tawang saliksikin ang Biblia para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang makikita mo sa paghawak lamang nang mahigpit sa Biblia? Isa mang tagapaglahad ng Biblia o isang mangangaral, sino ang makakakita nang maaga sa gawain ngayon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
248. Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Biblia ay Diyos, at ang Diyos ay Biblia. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Biblia ay siyang mga tanging salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay nagmumula sa inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pagkaunawa ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta lahat ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. Sa gayon, ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga tuwirang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagampanan ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng maraming mga ginawa ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat na kapatid sa Panginoon, upang sundin ng mga kapatid sa iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginampanan niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayon ay kailangan niyang tanggapin ang responsabilidad para sa mga iglesia, at kailangan niyang gampanan ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi nito maaaring katawanin ang Diyos. Napakasamang pagkaunawa, at napakalaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang naglilingkod na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay iyong kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga kaisipan ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga kaisipan ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sarili niyang kaalaman. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng kaiba, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao—hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katumbas ng mga talambuhay ng kamakailang espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng kamakailang espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring tuwirang katawanin ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3
249. Ngayon, sino sa inyo ang nangangahas na magsabi na ang lahat ng salitang sinabi ng mga ginamit ng Banal na Espiritu ay mula sa Banal na Espiritu? Mayroon bang nangangahas sabihin ang gayong mga bagay? Kung sinasabi mo nga ang gayong mga bagay, bakit iwinaksi ang aklat ng propesiya ni Ezra, at bakit ganoon din ang ginawa sa mga aklat ng mga sinaunang banal at propeta? Kung ang lahat ng iyon ay mula sa Banal na Espiritu, bakit kayo nangangahas gumawa ng ganoong mga pabago-bagong pagpili? Karapat-dapat ka bang pumili ng gawain ng Banal na Espiritu? Marami ring kwento mula sa Israel ang iwinaksi. At kung naniniwala kang ang mga kasulatang ito mula sa nakaraan ay pawang mula sa Banal na Espiritu, kung gayon bakit iwinaksi ang ilan sa mga aklat? Kung ang lahat ng ito ay mula sa Banal na Espiritu, ang lahat ng ito ay dapat pinanatili, at ipinadala sa mga kapatid sa mga iglesia upang basahin. Hindi dapat pinili at iwinaksi ang mga ito batay sa kagustuhan ng tao; mali ang gawin iyon. Ang pagsasabi na ang mga karanasan nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kanilang mga sariling kabatiran ay hindi nangangahulugan na ang kanilang mga karanasan at kaalaman ay nagmula kay Satanas, kundi na mayroon lamang silang mga bagay na nagmula sa kanilang mga sariling karanasan at kabatiran. Ang kanilang kaalaman ay ayon sa nangyari sa kanilang mga aktwal na karanasan noong panahong iyon, at sino ang siguradong makapagsasabi na nagmula ang lahat ng ito sa Banal na Espiritu? Kung nagmula sa Banal na Espiritu ang lahat ng Apat na Ebanghelyo, bakit magkakaiba ang sinabi nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan tungkol sa gawain ni Jesus? Kung hindi kayo naniniwala rito, tingnan ninyo ang mga tala sa Biblia kung paanong tatlong beses na itinanggi ni Pedro ang Panginoon: Magkakaiba ang lahat ng ito, at bawat isa ay mayroong kanya-kanyang mga katangian. Maraming mangmang ang nagsasabing, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isa ring tao, kaya ang mga salita ba na Kanyang sinasabi ay maaaring ganap na mula sa Banal na Espiritu? Kung ang mga salita nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kalooban ng tao, ang mga salita bang Kanyang sinasabi ay hindi talaga nahaluan ng kalooban ng tao?” Ang mga taong nagsasabi ng ganoong bagay ay mga bulag at mangmang! Basahin ninyo nang mabuti ang Apat na Ebanghelyo; basahin ninyo kung ano ang kanilang itinala tungkol sa mga bagay na ginawa ni Jesus, at ang mga salitang sinabi Niya. Ang bawat ulat ay talagang magkakaiba, at ang bawat isa ay mayroong sarili nitong pananaw. Kung ang isinulat ng mga may-akda ng mga aklat na ito ay nagmula lahat sa Banal na Espiritu, dapat magkakatulad at hindi pabago-bago ang lahat ng ito. Kaya bakit mayroong mga pagkakaiba? Hindi ba lubhang hangal ang mga tao para hindi ito makita?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan
250. Ang Ebanghelyo ni Mateo sa Bagong Tipan ay itinatala ang talaangkanan ni Jesus. Sa simula, sinasabi rito na si Jesus ay inapo ni Abraham at ni David, at anak ni Jose; pagkatapos ay sinabi rito na ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at ipinanganak ng isang birhen—ibig sabihin ay hindi Siya anak ni Jose o inapo ni Abraham at ni David. Gayunman, iginigiit ng talaangkanan na iugnay si Jesus kay Jose. Pagkatapos, sinimulang itala ng talaangkanan ang proseso kung paano isinilang si Jesus. Sabi rito, si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na Siya ay ipinanganak ng isang birhen, at hindi Siya anak ni Jose. Pero sa talaangkanan malinaw na nakasulat na si Jesus ay anak ni Jose, at dahil isinulat ang talaangkanan para kay Jesus, apatnapu’t dalawang henerasyon ang nakatala rito. Pagdating sa henerasyon ni Jose, dali-dali nitong sinabi na si Jose ang asawa ni Maria, mga salita na nilayong patunayan na si Jesus ay inapo ni Abraham. Hindi ba pagsalungat ito? Ang talaangkanan ay malinaw na isinasaad ang kanunu-nunuan ni Jose, malinaw na ito ang talaangkanan ni Jose, pero iginigiit ni Mateo na ito ang talaangkanan ni Jesus. Hindi ba nito ikinakaila ang katunayang ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Samakatuwid, hindi ba’t ang talaangkanang ginawa ni Mateo ay ideya ng tao? Nakakatawa ito! Sa ganitong paraan malalaman mo na ang aklat na ito ay hindi lubusang nagmula sa Banal na Espiritu. Marahil, may ilang tao na nag-aakala na kailangang may talaangkanan ang Diyos sa lupa, kaya itinalaga nila si Jesus bilang ika-apatnapu’t dalawang henerasyon ni Abraham. Talagang nakakatawa ’yan! Matapos dumating sa lupa, paano nagkaroon ng talaangkanan ang Diyos? Kung sinasabi mong may talaangkanan ang Diyos, hindi ba n’yo Siya inihahanay sa mga nilalang ng Diyos? Sapagka’t ang Diyos ay hindi nagmula sa lupa, Siya ang Panginoon ng sangnilikha, at bagama’t Siya ay may katawang-tao, hindi magkatulad ang diwa Niya at ng tao. Paano mo ihahanay ang Diyos na katulad ng uri ng nilalang ng Diyos? Si Abraham ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos; siya ang pakay ng gawain ni Jehova nang panahong iyon, isa lamang siyang tapat na lingkod na sinang-ayunan ni Jehova, at isa siya sa bayan ng Israel. Paano siya magiging ninuno ni Jesus?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3
251. Ngayon, hinihimay-himay Ko ang Biblia sa ganitong paraan at hindi ito nangangahulugan na kinasusuklaman Ko ito, o itinatanggi ang halaga nito bilang sanggunian. Ipinaliliwanag Ko at nililinaw ang likas na halaga at mga pinagmulan ng Biblia sa iyo upang pigilan ka sa pananatiling walang alam. Dahil ang mga tao ay napakaraming pananaw tungkol sa Biblia, at karamihan sa mga iyon ay mali; ang pagbabasa ng Biblia sa paraang ito ay hindi lamang humahadlang sa kanila mula sa pagkakaroon ng kung ano ang nararapat, ngunit, mas mahalaga, pinipigilan nito ang gawain na Aking nilalayong isakatuparan. Napakalaking hadlang nito sa gawain ng hinaharap, at nagbibigay lamang ng mga balakid, hindi kapakinabangan. Kaya, ang itinuturo Ko lamang sa iyo ay ang diwa at ang kuwentong napapaloob sa Biblia. Hindi Ko sinasabi na huwag mong basahin ang Biblia, o ipangalandakan mo na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka ng wastong kaalaman at pananaw sa Biblia. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lamang! Kahit na ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng mga tao, itinatala rin nito ang karamihan ng mga prinsipyo ng sinaunang mga banal at propeta sa paglilingkod sa Diyos, gayundin ang mga kamakailang karanasan ng mga apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng ito ay talagang nakita at nalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao ng kapanahunang ito sa paghahanap sa tunay na daan. Kaya, sa pagbabasa ng Biblia ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming daan ng pamumuhay na hindi matatagpuan sa iba pang mga aklat. Ang mga daang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya, ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Biblia. Dahil sa napakarami ng nakatago sa Biblia, ang mga pananaw ng tao hinggil dito ay hindi tulad sa mga kasulatan ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Biblia ay isang talaan at tinipong mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, at sa gayon nakakayanang magtamo ng mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagpapalinaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Biblia ay mas mataas kaysa sa mga kasulatan ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga kasulatan ay hinango mula sa Biblia, ang kanilang mga karanasan ay nagmula lahat sa Biblia, at lahat sila ay nagpapaliwanag ng Biblia. At sa gayon, bagaman ang mga tao ay maaaring makakuha ng panustos mula sa mga aklat ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Biblia, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Biblia ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang titigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. At kaya, ang mga aklat na ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay magkakaloob lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at hindi mahalaga kung gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Hindi mahalaga kung gaano kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay hindi na napapanahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay katulad din nito: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan matatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain, kung tutuusin, ay gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa gayon ding pundasyon, ni ang mga panahon ay hindi nagbabago kailanman, dahil mayroong paglikha at dapat mayroong mga huling araw. Ito ay tiyak na mangyayari! Kaya, ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga aklat ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paanong madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya, sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa mga lumang relihiyosong simbahan—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa paniniwala mo sa Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4
252. Nagawa Ko ang maraming gawain sa tao, at sa panahong ito nagpahayag din Ako ng maraming mga salita. Ang lahat ng mga salitang ito ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao at ipinahayag upang ang tao ay maging kaayon sa Akin. Gayunman, iilang mga tao lamang sa lupa na nakamit Ko ang kaayon sa Akin, at kaya sinasabi Kong hindi pinahahalagahan ng tao ang mga salita Ko—ito ay sapagkat hindi kaayon ang tao sa Akin. Sa ganitong pamamaraan, ang gawaing ginagawa Ko ay hindi lamang upang sumamba sa Akin ang tao; mas mahalaga, ito ay upang maging kaayon sa Akin ang tao. Naging tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng mga tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at walang ni isa man sa kanila ang kaayon sa Akin. Mayroong yaong mga nagsasabing kaayon sila sa Akin, ngunit ang ganitong mga tao ay sumasamba lahat sa mga malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, laban silang lahat sa Akin at hindi kaayon sa Akin. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Biblia at nakahahanap nang walang pili ng “angkop” na mga siping kanilang walang katapusang binabasa at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon sa Akin ni ang kahulugan ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Biblia, ipinipilit nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakikita, at walang kakayahang makita, at inilalabas upang tingnan sa kanilang pagliliwaliw. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Biblia, at ipinapantay nila Ako sa Biblia; kung wala Ako wala ang Biblia, at kung wala ang Biblia wala Ako. Hindi sila nagbibigay ng pansin sa pag-iral o mga kilos Ko, ngunit sa halip ay nag-uukol ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Marami pa ang naniniwala na hindi Ko dapat gawin ang anumang bagay na nais Kong gawin maliban kung ito ay hinulaan ng Banal na Kasulatan. Nagbibigay sila ng sobrang pagpapahalaga sa Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga salita at mga pagpapahayag, hanggang sa ginagamit nila ang mga bersikulo mula sa Biblia upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging-magkaayon sa Akin o ang daan ng pagiging-magkaayon sa katotohanan, ngunit ang daan ng pagiging-magkaayon sa mga salita ng Biblia, at naniniwala silang anumang hindi umaayon sa Biblia ay, walang pagbubukod, hindi Ko gawain. Hindi ba ang ganitong mga tao ay ang masusunuring mga inapo ng mga Fariseo? Ginamit ng mga Fariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad ang pagiging-magkaayon sa Jesus ng panahong iyon, ngunit masusing sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at pagiging hindi ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang Jesus. Ano ang pinakadiwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi nagbibigay pansin sa kalooban Ko o sa mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, ngunit mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong naniwala sa Diyos, ngunit mga taong naniwala sa Biblia. Sa pinakadiwa, mga tagapagbantay sila ng Biblia. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, upang mapanatili ang dangal ng Biblia, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Biblia, humantong sila sa pagpako nila sa krus sa mahabaging Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Biblia, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Biblia sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Banal na Kasulatan, sa kamatayan. Hindi ba sila mga manghihibo sa bawat salita ng Banal na Kasulatan?
At ano naman ang mga tao ngayon? Dumating si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makamit nila ang pagpasok sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagdating ng katotohanan upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Biblia. Paanong matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung mapaghangad ng masama ang puso niya at laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag pinagniningning Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, ikinakaila niya ang pag-iral Ko nang may mas higit pang kalakasan. Naghahanap ang tao ng pagiging-magkaayon sa mga salita at pagiging-magkaayon sa Biblia, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sobrang walang halaga. Yaong mga tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa mga salita sa Biblia at tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng hindi mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na inilalagay ang sarili Niya sa awa ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik tungo sa Akin—paano sila magiging kaayon sa Akin?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo
253. Ang Diyos Mismo ay buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Yaong mga walang kakayahang makamit ang katotohanan ay hindi kailanman makakamit ang buhay. Kung wala ang patnubay, pag-alalay, at paglaan ng katotohanan, ang tanging makakamit mo lamang ay mga titik, mga doktrina, at, higit sa lahat, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, kung gayon hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, kung gayon tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga guni-guni at mga kuru-kuro, magiging walang iba ang kabuuan ng katawan mo kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Alamin mong hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring sambahin na katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga salitang sinasabi ng Diyos sa kasalukuyan ang mga tuntunin ng mga nakalipas na panahon. Tanging ang mga inihahayag lamang ng Diyos kapag pumarito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kapag ginamit mo ang mga talaan ng mga salitang sinabi ng Diyos noong mga nagdaang panahon hanggang ngayon, sa gayon isa kang arkeologo, at isang dalubhasa sa mga minanang kasaysayan ang pinakamainam na paraan ng paglalarawan sa iyo. Iyon ay sapagkat palagi kang naniniwala sa mga bakas ng gawaing ginawa ng Diyos noong mga nagdaang panahon, tanging naniniwala lamang sa anino ng Diyos na naiwan mula noong dati Siyang gumawa kasama ng mga tao, at tanging naniniwala lamang sa daang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong mga dating panahon. Hindi ka naniniwala sa direksiyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi naniniwala sa maluwalhating anyo ng Diyos ngayon, at hindi naniniwala sa daan ng katotohanan na kasalukuyang inihahayag ng Diyos. Sa gayon hindi maipagkakailang isa kang nangangarap nang gising na ganap na walang ugnayan sa realidad. Kung ngayon nananatili ka pa ring nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay ng buhay sa mga tao, kung gayon isa kang walang pag-asang piraso ng tuyong kahoy,[a] dahil masyado kang makaluma, masyadong suwail, masyadong hindi naaapektuhan ng katwiran!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
254. Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Talababa:
a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, ibig sabihin “walang pag-asa.”