Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?

Yaong mga nilulupig ay mga panghambing, at matapos lamang magawang perpekto nagiging mga huwaran at uliran ng gawain sa mga huling araw ang mga tao. Bago magawang ganap sila ay mga panghambingan, kasangkapan, at mga gamit rin para sa pagserbisyo. Yaong mga lubusang nalupig na ng Diyos ang pagkakabuo-buo ng Kanyang gawain ng pamamahala, at ang mga huwaran at uliran din. Ang mga salitang ito na nagamit ko para ilarawan ang gayong mga tao ay maaaring hindi kapansin-pansin, ngunit inihahayag ng mga ito ang maraming nakatutuwang kuwento. Kayo na kakatiting ang pananampalataya ay palaging magtatalo tungkol sa isang hindi kapansin-pansing titulo hanggang sa mamula ang inyong mukha, at kung minsan ay nasisira pa ang mga relasyon dahil dito. Bagama’t hamak na titulo lamang ito, sa inyong pag-iisip at sa inyong paniniwala, hindi lamang ito higit pa sa isang titulong walang kabuluhan, kundi isang mahalagang bagay patungkol sa inyong kapalaran. Kaya yaong hindi makatwiran ay malimit na daranas ng malaking kawalan dahil sa maliit na bagay na katulad nito—ito ay pagsasalba ng kaunti, para lamang mawalan ng malaki. Dahil lamang sa isang walang-kabuluhang titulo, lalayas kayo at hindi na magbabalik kailanman. Ito ay dahil sa tingin ninyo ay walang halaga ang buhay at masyado ninyong pinahahalagahan ang mga titulo ninyo. Kaya sa inyong mga espirituwal na buhay, at kahit sa inyong mga praktikal na buhay, malimit kayong bumubuo ng maraming kumplikado at kakaibang kuwento dahil sa inyong mga kuru-kuro tungkol sa katayuan. Marahil ay hindi ninyo ito aaminin, ngunit sasabihin Ko sa inyo na talagang may ganitong mga tao sa tunay na buhay, bagama’t hindi pa kayo nalantad nang isa-isa. Ang ganitong klaseng mga bagay ay nangyari na sa buhay ng bawat isa sa inyo. Kung hindi kayo naniniwala rito, tingnan na lang ninyo ang maikling kuwento sa ibaba mula sa buhay ng isang kapatid. Posibleng ikaw talaga ang taong iyan, o marahil ay isa itong pamilyar na tao sa buhay mo. Kung hindi Ako nagkakamali, ang maikling kuwentong ito ay naglalarawan ng isang karanasang nangyari na sa iyo. Walang kulang sa paglalarawan, wala ni isang kaisipan o ideyang hindi naisama, kundi nakatalang lahat nang buong-buo sa loob ng kuwentong ito. Kung hindi ka naniniwala rito, basahin mo na lang muna.

Ito ay isang munting karanasan mula sa isang “espirituwal na tao.”

Nabalisa siya nang makita niya na marami sa mga ginawa ng mga kapatid sa iglesia ang hindi nakaayon sa kalooban ng Diyos, kaya sinimulan niya silang pagalitan, sinasabing: “Napakasama ninyo! Wala man lang ba kayong konsiyensya? Bakit ba talaga kayo gumagawa ng masasama? Bakit hindi ninyo hanapin ang katotohanan sa halip na gawin kung ano ang gusto ninyo? … At kayo ang sinasabihan ko ng mga bagay na ito, ngunit kasabay nito ay ang sarili ko ang kinamumuhian ko. Nakikita ko na nag-aalab sa pagkayamot ang Diyos at ramdam kong nag-aalab ang kalooban ko. Talagang handa akong lubos na isakatuparan ang gawaing naipagkatiwala sa akin ng Diyos at talagang nais ko kayong paglingkuran. Kaya lang ay hinang-hina ako ngayon. Napakaraming panahon nang nagugol sa atin ang Diyos at nagsalita na Siya ng napakaraming salita, ngunit ganito pa rin tayo. Sa puso ko, lagi kong nadarama na napakalaki ng pagkakautang ko sa Diyos….” (Nagsimula siyang umiyak, at hindi na nakapagsalita.) Pagkatapos ay nagsimula siyang manalangin: “Diyos ko! Isinasamo ko bigyan Mo ako ng lakas at antigin Mo ako nang higit kaysa rati, at nawa’y gumawa sa akin ang Iyong Espiritu. Handa akong makipagtulungan sa Iyo. Hangga’t nagtatamo Ka ng kaluwalhatian sa huli, handa ako ngayon mismo na ibigay nang buong-buo ang aking sarili sa Iyo, kahit kailanganin ko pang itaya ang aking buhay. Nais naming maghandog ng malalaking papuri upang makakanta at makasayaw nang may kagalakan ang mga kapatid sa pagpuri sa Iyong banal na pangalan, luwalhatiin Ka, ihayag Ka, patunayan na ang Iyong gawain ay totoo at ibigay sa Iyo ang lahat ng malasakit para sa mga pasaning dala-dala Mo….” Masigasig siyang nanalangin sa ganitong paraan, at talagang binigyan siya ng pasanin ng Banal na Espiritu. Sa oras na ito, labis siyang nabigatan, at ginugol niya ang buong araw sa pagbabasa, pagsusulat, at pakikinig. Abalang-abala siya talaga. Napakaganda ng kanyang espirituwal na kalagayan, at sa kanyang puso, palagi siyang masigasig at nabibigatan. Paminsan-minsan ay mahina siya at may problema, ngunit hindi iyon nagtatagal at bumabalik ang kanyang normal na kalagayan. Pagkaraan ng kaunting panahong kagaya nito, naging mabilis ang kanyang pagsulong, nagawa niyang magtamo ng kaunting pagkaunawa sa marami sa mga salita ng Diyos, at mabilis din siyang natuto ng mga himno—sa pangkalahatan, napakaganda ng kanyang espirituwal na kalagayan. Nang makita niya na maraming bagay sa iglesia ang hindi naaayon sa kalooban ng Diyos, nabalisa siya at sinisi niya ang kanyang mga kapatid, sinasabing: “Ito ba ang katapatan sa inyong tungkulin? Bakit hindi man lamang kayo makapagsakripisyo kahit kaunti? Kung ayaw ninyong gawin iyan, ako na lang….”

Kahit mayroon siyang pasanin, mas lumakas ang kanyang pananampalataya nang mas lalo pang gumawa ang Banal na Espiritu. Paminsan-minsan ay nakakaranas siya ng ilang paghihirap at nagiging negatibo, ngunit nagawa niyang madaig ang mga ito. Ibig sabihin, nang maranasan niya ang gawain ng Banal na Espiritu, kahit maganda ang kanyang kundisyon, hindi niya pa rin maiwasang makaranas ng ilang paghihirap o kaunting panghihina. Hindi maiiwasang mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi nagtagal ay nagawa niyang makaalpas mula sa mga kalagayang iyon. Kapag nakakaranas siya ng panghihina, nagdarasal siya at nadarama niya na talagang kulang ang kanyang sariling tayog, ngunit handa siyang makipagtulungan sa Diyos. Anuman ang ginawa ng Diyos, handa siyang palugurin ang Kanyang kalooban at sundin ang lahat ng Kanyang pagsasaayos. May ilang tao na may ilang opinyon at pagkiling tungkol sa kanya, ngunit nagawa niyang kalimutan ang kanyang sarili at aktibong makibahagi sa kanila. Ganito ang mga kalagayan ng mga tao kapag isinasakatuparan ng Banal na Espiritu ang Kanyang normal na gawain. Pagkaraan ng kaunting panahon, nagsimulang magbago ang gawain ng Diyos, at pumasok ang lahat ng tao sa isa pang hakbang ng gawain, kung saan iba ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila. Kaya may mga bagong salitang sinambit na gumawa ng mga bagong hinihingi sa mga tao: “… Pagkasuklam lamang ang mayroon Ako para sa inyo, hindi kailanman mga pagpapala. Hindi Ko naisip kailanman na pagpalain kayo, ni naisip Ko na gawin kayong ganap, dahil napakasuwail ninyo. Dahil kayo ay buktot at mapanlinlang, at dahil kulang ang inyong kakayahan at mababa ang inyong katayuan, hindi Ko kayo nabantayan ni sumapuso Ko kailanman. Ang gawain Ko ay ginagawa na ang layon lamang ay hatulan kayo; ang Aking kamay ay hindi kailanman napalayo sa inyo, ni ang Aking pagkastigo. Patuloy Ko kayong hinatulan at isinumpa. Dahil wala kayong pagkaunawa tungkol sa Akin, ang Aking poot ay palagi nang sumasainyo. Bagama’t palagi na Akong gumagawa sa inyo, dapat ninyong malaman ang Aking saloobin sa inyo. Iyon ay walang iba kundi pagkainis—wala nang ibang saloobin o opinyon. Nais Ko lamang kayong kumilos bilang mga panghambing ng Aking karunungan at ng Aking dakilang kapangyarihan. Kayo ay walang iba kundi mga panghambingan Ko dahil ang Aking katuwiran ay nabubunyag sa pamamagitan ng inyong pagkasuwail. Pinakikilos Ko kayo bilang mga mapaghahambingan ng Aking gawain, upang maging mga karagdagan sa Aking gawain….” Sa sandaling nakita niya ang mga salitang “mga karagdagan” at “mga panghambingan,” nagsimula siyang mag-isip: “Paano ako dapat sumunod ayon sa mga salitang ito? Kahit malaki na ang isinakripisyo ko, isa pa rin akong panghambing. Hindi ba tagapagsilbi lamang ang isang panghambing? Noong araw sinabi na hindi tayo magiging mga tagapagsilbi, na tayo ay magiging mga tao ng Diyos, subalit hindi ba nasa tungkulin pa rin tayo ngayon ng mga tagapagsilbi? Hindi ba walang buhay ang mga tagapagsilbi? Gaano man katindi ang tinitiis kong pagdurusa, hindi ako pupurihin ng Diyos dahil dito! Pagkatapos kong maging isang panghambing, hindi pa ba tapos iyon? …” Habang mas iniisip niya ang tungkol doon, mas nalulungkot siya. Lalo pang sumama ang kanyang pakiramdam nang magtungo siya sa iglesia at makita ang kalagayan ng kanyang mga kapatid: “Hindi kayo okey! Hindi ako okey! Naging negatibo na ako. Ugh! Ano ang maaari nating gawin? Ayaw pa rin sa atin ng Diyos. Sa paggawa ng ganitong klaseng gawain, walang paraan na hindi Niya tayo gagawing negatibo. Hindi ko alam kung ano ang mali sa akin. Ni ayaw kong manalangin. Gayon pa man, hindi ako okey ngayon at hindi ako talaga makapag-ipon ng kagustuhan ng kalooban. Maraming beses na akong nanalangin ngunit hindi ko pa rin kaya, at hindi ako handang magpatuloy. Ganito ang tingin ko rito. Sinasabi ng Diyos na tayo ay mga panghambing, kaya hindi ba mga tagapagsilbi lamang ang mga panghambing? Sinasabi ng Diyos na tayo ay mga panghambing, hindi mga anak Niya, at hindi rin tayo mga tao Niya. Hindi Niya tayo mga anak, lalong hindi Niya mga panganay na anak. Wala tayong kuwenta, mga panghambingan lamang. Kung ganyan nga tayo, posible ba tayong magkaroon ng magandang kalalabasan? Ang mga panghambing ay walang pag-asa dahil wala silang buhay. Kung tayo ay Kanyang mga anak, Kanyang mga tao, may pag-asa riyan—maaari tayong magawang ganap. Maaari bang taglayin ng mga panghambing ang buhay ng Diyos? Maaari bang lagyan ng Diyos ng buhay yaong mga nagsisilbi sa Kanya? Yaong mga minamahal Niya ay yaong mga nagtataglay ng Kanyang buhay, at yaon lamang mga nagtataglay ng Kanyang buhay ang Kanyang mga anak, Kanyang mga tao. Bagama’t negatibo ako at mahina, sana lahat kayo’y hindi negatibo. Alam ko na ang pag-urong at pagiging negatibong gaya nito ay hindi makalulugod sa kalooban ng Diyos, ngunit ayaw kong maging panghambing. Natatakot akong maging panghambing. Gayon pa man, kakaunti lang ang aking lakas, at hindi ko kayang magpatuloy ngayon. Sana’y hindi gawin ng sinuman sa inyo ang aking nagawa, kundi magawa ninyong makakuha ng kaunting inspirasyon mula sa akin. Pakiramdam ko mas mabuti pang mamatay na lang ako! Iiwanan ko sa inyo ang ilang huling pananalita bago ako mamatay—sana’y makakilos kayo bilang mga panghambingan hanggang sa huli; siguro sa bandang huli, pupurihin ng Diyos ang mga panghambing….” Nang makita ito ng mga kapatid, nagtaka sila: “Paano siya naging napakanegatibo? Hindi ba napakaayos naman niya nitong mga huling araw? Bakit biglang nawala ang kanyang sigla? Bakit hindi siya normal?” Sabi niya: “Huwag mong sabihing hindi ako normal. Ang totoo, malinaw sa puso ko ang lahat. Alam ko na hindi ko pa napalugod ang kalooban ng Diyos, ngunit hindi ba dahil lamang iyan sa ayaw kong kumilos bilang Kanyang panghambing? Wala akong nagawang masama. Marahil ay babaguhin ng Diyos balang araw ang titulong ‘mga panghambing’ at gagawin Niyang ‘mga nilalang,’ at hindi lamang iyan, kundi Kanyang mga nilalang na kinakasangkapan Niya sa mahahalagang paraan. Hindi ba may kaunting pag-asa rito? Sana’y hindi kayo maging negatibo o manghina, at patuloy kayong makasunod sa Diyos at magawa ninyo ang lahat para magsilbing mga panghambingan. Ano’t anuman, hindi ko kayang magpatuloy. Huwag ninyong hayaang mapaghigpitan kayo ng aking mga kilos.” Narinig iyan ng ibang mga tao, at sabi nila: “Kahit tumigil ka sa pagsunod sa Kanya, magpapatuloy kami, sapagkat hindi kami trinato ng Diyos nang hindi patas kailanman. Hindi kami magpapapigil sa iyong pagiging negatibo.”

Matapos dumaan sa karanasang ito nang kaunting panahon, negatibo pa rin siya tungkol sa pagiging panghambing, kaya sinabi Ko sa kanya: “Hindi mo nauunawaan ang Aking gawain. Hindi mo nauunawaan ang napapaloob na katotohanan, diwa, o mga nilalayong resulta ng Aking mga salita. Hindi mo alam ang mga mithiin ng Aking gawain, ni ang karunungan nito. Hindi mo nauunawaan ang Aking kalooban. Ang alam mo lamang ay umurong dahil isa kang panghambing—nag-aabala kang masyado sa katayuan! Napakahangal mo! Napakarami Ko nang nasabi sa iyo noong araw. Sinabi Ko nang gagawin kitang perpekto; nalimutan mo na ba? Hindi ko ba binanggit ang pagpeperpekto bago Ko pa binanggit ang mga panghambing?” “Teka lang, hayaan mong pag-isipan ko ito. Oo, tama iyan! Sinabi mo nga ang mga bagay na iyon bago Mo pa binanggit ang tungkol sa mga panghambing!” “Nang magsalita Ako tungkol sa pagpeperpekto, hindi ba sinabi Ko na pagkatapos malupig ang mga tao, saka lamang sila gagawing perpekto?” “Oo!” “Hindi ba taos-puso ang Aking mga salita? Hindi ba sinambit ang mga iyon nang matapat?” “Oo! Isa Kang Diyos na wala pang nasabing anuman na hindi matapat kahit kailan—walang sinumang mangangahas na ikaila ito. Ngunit napakarami Mong paraan ng pagsasalita.” “Hindi ba nagbabago ang mga paraan ng Aking pagsasalita ayon sa iba’t ibang mga hakbang ng gawain? Hindi ba ginagawa at sinasambit ang mga bagay na Aking sinasabi batay sa iyong mga pangangailangan?” “Ikaw ay gumagawa ayon sa mga pangangailangan ng mga tao at ipinagkakaloob Mo ang kanilang mga pangangailangan. Totoo iyan!” “Kung gayon hindi ba kapaki-pakinabang ang mga bagay na nasabi Ko sa iyo? Hindi ba naisakatuparan ang Aking mga pagkastigo para sa iyong kapakanan?” “Paano Mo pa rin nasasabi na para iyon sa kapakanan ko! Halos mamatay na ako sa pagkastigo Mo—ayaw ko nang mabuhay pa. Ito ang sinasabi Mo ngayon, bukas iba na ang sinasabi Mo. Alam kong ang Iyong paggawang perpekto sa akin ay para sa sarili kong kapakanan, ngunit hindi Mo pa ako nagawang perpekto—ginagawa Mo akong mapaghahambingan at kinakastigo Mo pa rin ako. Kinamumuhian Mo ako, hindi ba? Walang nangangahas na maniwala sa Iyong mga salita, at ngayon ko lamang nakita nang malinaw na ang Iyong pagkastigo ay para lamang lunasan ang pagkamuhi sa puso Mo, hindi para iligtas ako. Itinago Mo sa akin ang katotohanan noon; sabi Mo, gagawin Mo akong perpekto at na ang pagkastigo ay para gawin akong perpekto. Kaya sinunod ko na palagi ang Iyong pagkastigo; hindi ko naisip kailanman na tatawagin ako ngayong isang panghambing. Diyos ko, hindi ba mas mabuti kung iba na lang ang ipinaganap Mo sa akin? Kailangan Mo ba akong paganapin bilang isang panghambing? Tatanggapin ko kahit ang maging bantay sa pasukan ng kaharian. Paroo’t parito ako at ginugugol ko ang sarili ko, ngunit sa huli ay wala akong napala—walang-wala ako. Subalit kahit ngayon ay sinasabi Mo sa akin na pagaganapin Mo ako bilang Iyong panghambingan. Paano ko maipapakita man lamang ang aking mukha?” “Ano ba ang pinagsasabi mo? Napakarami Ko nang ginawang pagkastigo noong araw, at hindi mo pa rin nauunawaan iyon? Wala ka bang tunay na pagkaunawa sa iyong sarili? Hindi ba ang titulong ‘panghambing’ ay paghatol din ng mga salita? Palagay mo ba lahat ng sinasabi Ko tungkol sa mga panghambingan ay isa ring pamamaraan, isang paraan ng paghatol sa iyo? Kung gayon ay paano mo Ako susundin?” “Wala pa akong plano kung paano Kita susundin. Kailangan ko munang malaman: Ako ba ay isang panghambing o hindi? Magagawa rin bang perpekto ang mga panghambing? Maaari bang baguhin ang titulong ‘panghambing’? Maaari ba akong magpatotoo nang matunog bilang isang panghambing, at pagkatapos ay maging isang tao na ginagawang perpekto, na isang huwaran ng pagmamahal sa Diyos, at kaniig ng Diyos? Magagawa ba akong ganap? Sabihin Mo sa akin ang totoo!” “Hindi mo ba alam na ang mga bagay-bagay ay laging yumayabong, laging nagbabago? Basta’t handa ka ngayong maging masunurin sa iyong papel bilang isang panghambing, magagawa mong magbago. Walang kinalaman sa iyong tadhana kung isa kang panghambing o hindi. Ang mahalaga ay kung ikaw ay maaaring maging isang tao na mayroong pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay o hindi.” “Puwede Mo bang sabihin sa akin kung magagawa Mo akong perpekto o hindi?” “Basta’t tumatalima at sumusunod ka hanggang sa huli, ginagarantiyahan Ko na magagawa Kitang perpekto.” “At anong klaseng pagdurusa ang kakailanganin kong maranasan?” “Daranas ka ng kahirapan, gayundin ng paghatol at pagkastigo ng mga salita, lalo na ng pagkastigo ng mga salita, na kapareho ng pagkastigo ng pagiging isang panghambing!” “Na kapareho ng pagkastigo bilang isang panghambing? Kung magagawa Mo akong perpekto sa pamamagitan ng pagdanas ng kahirapan, kung may pag-asa, ayos iyan. Kahit katiting na pag-asa lamang, mas mabuti na iyon kaysa maging isang panghambing. Napakasamang pakinggan ng titulong iyon, ‘panghambing.’ Ayaw kong maging isang panghambing!” “Ano ba ang napakasama sa mga panghambing? Hindi ba may lubos na kabutihan naman ang mga panghambing sa sarili nila? Hindi ba karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala ang mga panghambing? Kung sasabihin Ko na maaaring magtamasa ng mga pagpapala ang mga panghambing, magagawa mong magtamasa ng mga pagpapala. Hindi ba totoo na nagbabago ang mga titulo ng mga tao dahil sa Aking gawain? Subalit labis ang pagkaligalig mo sa isang titulo lamang? Ang katotohanan na ganitong klase kang panghambing ay nararapat sa iyo. Handa ka bang sumunod o hindi?” “Magagawa Mo ba akong ganap o hindi? Matutulutan Mo ba akong tamasahin ang Iyong mga pagpapala?” “Handa ka bang sumunod hanggang sa huli o hindi? Handa ka bang ialay ang iyong sarili?” “Pag-iisipan ko pa. Ang isang panghambing ay maaari ring magtamasa ng Iyong mga pagpapala, at maaaring magawang ganap. Pagkatapos na magawang ganap ay magiging kaniig Mo ako at mauunawaan ko ang Iyong buong kalooban, at tataglayin ko yaong taglay Mo. Matatamasa ko ang Iyong tinatamasa, at malalaman ko ang Iyong nalalaman. … Matapos dumanas ng kahirapan at magawang perpekto, magtatamasa ako ng mga pagpapala. Kung gayon anong mga pagpapala ba ang talagang matatamasa ko?” “Huwag mong alalahanin kung anong mga pagpapala ang iyong tatamasahin. Kahit sabihin Ko sa iyo, hindi mo kayang isipin ang mga bagay na ito. Matapos maging isang mabuting panghambing, ikaw ay malulupig, at magiging isang matagumpay na panghambing. Ito ay isang huwaran at uliran ng isang taong nalupig, ngunit siyempre maaari ka lamang maging isang huwaran at uliran matapos kang malupig.” “Ano ang isang huwaran at uliran?” “Ito ay isang huwaran at uliran para sa lahat ng Hentil, ibig sabihin, yaong mga hindi pa nalupig.” “Ilang tao ang kabilang doon?” “Napakaraming tao. Hindi lamang kayong apat o limang libo—lahat ng tumatanggap sa pangalang ito sa buong mundo ay kailangang malupig.” “Hindi lamang pala lima o sampung lungsod!” “Huwag mong alalahanin iyan ngayon, at huwag kang masyadong mag-alala. Magtuon ka lamang sa kung paano ka makakapasok ngayon mismo! Ginagarantiyahan Ko na maaari kang magawang ganap.” “Hanggang anong antas? At anong mga pagpapala ang maaari kong tamasahin?” “Bakit ba masyado kang nag-aalala? Ginarantiyahan Ko na na maaari kang magawang ganap. Nalimutan mo na ba na mapagkakatiwalaan Ako?” “Totoo ngang mapagkakatiwalaan Ka, ngunit laging nagbabago ang ilan sa Iyong mga pamamaraan ng pagsasalita. Ngayon ay sinasabi Mo na ginagarantiyahan Mo na maaari akong magawang ganap, ngunit bukas maaari Mong sabihin na hindi ito sigurado. At sinasabi mo sa ilang tao na ‘Ginagarantiyahan Ko na ang isang tulad mo ay hindi maaaring magawang ganap.’ Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa Iyong mga salita. Hindi na lamang ako nangangahas na paniwalaan iyon.” “Kung gayon ay maaari mo bang ialay ang iyong sarili o hindi?” “Ialay ang ano?” “Ialay ang iyong kinabukasan at iyong mga inaasam.” “Madaling talikuran ang mga bagay na iyan! Ang pinakamahalaga ay ang titulong ‘panghambing’—talagang ayaw ko iyan. Kung aalisin Mo sa akin ang titulong iyan, tatanggapin ko ang kahit ano, magagawa ko ang kahit ano. Hindi ba maliliit na bagay lamang ang mga ito? Maaari Mo bang alisin ang titulong iyan?” “Madali lang iyan, hindi ba? Kung kaya Kong ibigay sa iyo ang titulong iyan, tiyak na kaya Ko ring bawiin iyan. Ngunit hindi pa ngayon. Kailangan mo munang tapusin ang iyong karanasan sa hakbang na ito ng gawain, at saka ka lamang makapagtatamo ng bagong titulo. Kapag mas kagaya mo ang isang tao, mas kailangan niyang maging isang panghambing. Kapag mas takot ka sa pagiging isang panghambing, mas tatawagin Kitang ganoon. Ang isang taong kagaya mo ay kailangang mahigpit na disiplinahin at pakitunguhan. Kapag mas suwail ang isang tao, mas magiging tagapagsilbi sila, at sa huli, wala silang mapapala.” “Yamang masigasig akong naghahanap, bakit hindi ko maiwaksi ang titulong ‘panghambing? Sinunod Ka na namin nang maraming taon at nagdusa na nang malaki. Marami na kaming nagawa para sa Iyo. Sumabak na kami sa hangin at ulan; nasa mga huling taon na kami ng aming kabataan. Hindi na kami nag-asawa ni nagsimula ng pamilya, at yaong mga kasama namin na nakagawa na noon ay lumalabas pa rin. Nag-aral ako hanggang high school, ngunit nang mabalitaan kong dumating Ka na, tinalikuran ko ang pagkakataon kong mag-aral sa unibersidad. At sinasabi Mo na kami ay mga panghambing! Napakarami nang nawala sa amin! Ginagawa namin ang lahat ng ito, ngunit lumalabas na kami ay Iyong mga panghambingan lamang. Ano ang iisipin sa akin ng dati kong mga kaklase at kapantay? Kapag nakita nila ako at nagtanong sila tungkol sa aking posisyon at katayuan, paanong hindi ako mahihiyang sabihin sa kanila? Noong una, ginawa ko ang lahat dahil sa aking paniniwala sa Iyo, at nilait ako ng lahat ng iba pa dahil tanga raw ako. Ngunit sumunod pa rin ako at nanabik sa panahon na darating ang araw ko, kung kailan maipapakita ko sa lahat ng yaon na hindi naniwala. Ngunit sa halip, ngayon ay sinasabi Mo sa akin na isa akong panghambing. Kung ibinigay Mo sa akin ang pinakamababa sa lahat ng titulo, kung tinulutan Mo akong maging isa sa mga tao ng kaharian, ayos lang iyan! Kahit hindi ako maaaring maging Iyong disipulo o pinagkakatiwalaan, ayos lang ako na maging Iyong alagad lamang! Sinunod Ka na namin sa lahat ng taong nagdaan, tinalikuran ang aming pamilya, at lubha kaming nahirapang magpatuloy na maghanap hanggang ngayon, at ang napala lamang namin ay ang titulong ‘panghambing’! Tinalikuran ko na ang lahat para sa Iyo; isinuko ko na ang lahat ng makamundong yaman. Noon, ipinakilala ako ng isang tao sa isang potensyal na mapapangasawa. Talagang guwapo siya at magandang manamit; anak siya ng isang opisyal ng gobyerno na mataas ang katungkulan. Noon ay interesado ako sa kanya. Ngunit nang mabalitaan ko na nagpakita na ang Diyos at isinasakatuparan ang Kanyang gawain, na aakayin Mo kami patungo sa kaharian at gagawin kaming perpekto, at na hiniling Mo sa amin na magkaroon ng matibay na pagpapasya na huwag mag-aksaya ng panahon sa pag-iwan sa lahat ng bagay, nang mabalitaan ko iyon, nakita ko na kulang na kulang ako sa matibay na pagpapasya. Sumunod ay tinibayan ko ang aking sarili at tinanggihan ko ang pagkakataong iyon. Pagkatapos niyon, ilang beses siyang nagpadala ng mga regalo sa aking pamilya, ngunit ni hindi ko tiningnan ang mga iyon. Palagay Mo ba masama ang loob ko noon? Napakagandang bagay niyon, at nauwi lamang sa wala. Bakit hindi sasama ang loob ko? Ilang araw na masama ang loob ko kaya hindi ako makatulog sa gabi, ngunit sa huli ay hinayaan ko na rin iyon. Sa bawat pagdarasal ko, inantig ako ng Banal na Espiritu, na nagsabing: ‘Handa ka bang isakripisyo ang lahat para sa Akin? Handa ka bang gugulin ang iyong sarili para sa Akin?’ Tuwing iniisip ko ang mga salita Mong iyon, umiiyak ako. Naantig ako at umiyak sa kalungkutan nang napakaraming beses. Isang taon kalaunan nabalitaan ko na nag-asawa na ang lalaki. Hindi na kailangang sabihin pa, nalungkot ako nang husto, ngunit hinayaan ko na rin iyon alang-alang sa Iyo. At nangyari ang lahat ng ito nang hindi man lang binabanggit na hindi masarap ang aking pagkain at hindi maganda ang aking pananamit—tinalikuran ko ang pag-aasawang iyon, tinalikuran ko ang lahat ng ito, kaya hindi Mo ako dapat paganapin bilang isang panghambing! Tinalikuran ko ang pag-aasawa ko, ang pinakamahalagang pangyayari sa buhay ko, para ialay ang aking sarili sa Iyo. Ang buong buhay ng isang tao ay walang iba kundi ang makakita ng isang mabuting kabiyak at magkaroon ng masayang pamilya. Hinayaan ko na lang ito, itong pinakamaganda sa lahat ng bagay, at ngayon ay walang nalalabi sa akin at nag-iisa ako. Saan Mo ako papupuntahin? Nagdusa na ako mula nang magsimula akong sumunod sa Iyo. Hindi pa ako nagkaroon ng magandang buhay. Iniwan ko ang aking pamilya at propesyon gayundin ang lahat ng kasiyahan ng laman, at hindi pa rin sapat ang sakripisyong ito na nagawa naming lahat para matamasa ang Iyong mga pagpapala? Kaya ngayon ay ang ‘panghambing’ na ito naman. Diyos ko, lumalabis Ka na! Tingnan Mo kami—wala kaming maaasahan sa mundong ito. Iniwan na ng ilan sa amin ang aming mga anak, iniwan na ng ilan sa amin ang aming trabaho, ang aming asawa,[a] at iba pa; iniwan na namin ang lahat ng kasiyahan ng laman. Mayroon pa ba kaming pag-asa? Paano kami patuloy na mabubuhay sa mundo? Wala bang anumang halaga ang mga sakripisyong nagawa namin? Ni hindi Mo man lamang ba nakikita iyon? Mababa ang aming katayuan at kulang ang aming kakayahan—tinatanggap namin iyan, ngunit kailan ba namin hindi pinakinggan kailanman kung ano ang nais Mong ipagawa sa amin? Ngayon ay walang-awa Mo kaming pinababayaan at ‘sinusuklian’ kami ng titulong ‘panghambing’? Iyan lamang ba ang naidulot sa amin ng aming sakripisyo? Sa huli, kung tatanungin ako ng mga tao kung ano ang napala ko sa paniniwala sa Diyos, maaari ko ba talagang ipakita sa kanila itong salitang ‘panghambing? Paano ko maibubuka ang aking bibig upang sabihin na ako ay isang panghambing? Hindi ko kayang ipaliwanag iyan sa aking mga magulang, at hindi ko kayang ipaliwanag iyan sa dati kong potensyal na kabiyak. Napakalaki na ng aking naisakripisyo, at ang napala ko ay ang maging isang panghambing! Ah! Lungkot na lungkot ako!” (Sinimulan niyang suntuk-suntukin ang kanyang mga hita at umiyak.) “Kung sinabi Ko na ngayong hindi Ko ibibigay sa iyo ang titulong panghambing kundi sa halip ay gagawin Kitang isa sa Aking mga tao at pagbibilinan Kitang humayo at ipalaganap ang ebanghelyo, kung binigyan Kita ng katayuan para magawa mo ang trabaho, magagawa mo kaya iyon? Ano ba talaga ang nakamit mo mula sa bawat hakbang ng gawaing ito? Gayunma’y narito ka, na inaaliw ako sa iyong kuwento—wala kang kahihiyan! Sinasabi mong nagsakripisyo ka na ngunit wala kang napala. Nakaligtaan Ko kayang sabihin sa iyo kung ano ang Aking mga kundisyon upang maangkin ang isang tao? Para kanino ba ang Aking gawain? Alam mo ba? Narito kang sinasariwang muli ang dating mga karaingan! Maituturing ka pa rin bang isang tao ngayon? Hindi ka ba nakaranas ng anumang pagdurusa dahil sa sarili mong pagkukusa? At hindi ka ba dumanas ng pagdurusa para magkamit ng mga pagpapala? Natugunan mo ba ang Aking mga hinihingi? Ang gusto mo lamang ay magkamit ng mga pagpapala. Wala kang kahihiyan! Kailan ba naging sapilitan ang Aking mga hinihingi sa iyo? Kung handa kang sumunod sa Akin, kailangan mo Akong sundin sa lahat ng bagay. Huwag mong subukang makipagkasundo. Matapos ang lahat, sinabi Ko naman sa iyo noon pa na ang landas na ito ay isang landas ng pagdurusa. Puno ito ng nakakatakot na mga posibilidad, na wala masyadong magandang kalalabasan. Nalimutan mo na ba? Sinabi Ko na ito nang maraming beses. Kung handa kang magdusa, sumunod ka sa Akin. Kung ayaw mong magdusa, tumigil ka. Hindi Kita pinipilit—malaya kang sumama o umalis! Gayunman, ganito ang paggawa ng Aking gawain, at hindi Ko maaaring antalahin ang Aking buong gawain dahil sa iyong indibiduwal na pagkasuwail. Maaaring ayaw mong sumunod, ngunit mayroong iba na gusto. Desperado kayong lahat! Wala kayong kinatatakutan! Nakikipagkasundo ka sa Akin—gusto mo pa bang mabuhay o hindi na? Nagpaplano ka para sa sarili mo at nagkukumahog ka para sa iyong sariling kasikatan at pakinabang. Hindi ba lahat ng Aking gawain ay para sa inyo? Bulag ka ba? Bago Ako naging tao, hindi mo Ako makita, at ang mga salitang ito na nasambit mo ay maaari sanang mapatawad noon, ngunit ngayon ay nagkatawang-tao na Ako at gumagawa sa piling ninyo, subalit hindi mo pa rin nakikita? Ano ang hindi mo nauunawaan? Sinasabi mo na dumanas ka ng kawalan; kaya naging tao na Ako upang iligtas kayong mga desperadong tao at napakarami Ko nang gawaing nagawa, pero hanggang ngayon ay nagrereklamo ka pa rin—hindi mo ba sasabihin na dumanas Ako ng kawalan? Hindi ba lahat ng Aking nagawa ay para sa inyo? Inaangkop Ko ang titulong ito sa mga tao batay sa kanilang kasalukuyang tayog. Kung tatawagin kitang ‘panghambing,’ agad kang magiging panghambing. Gayundin, kung tatawagin kitang ‘isa sa mga tao ng Diyos,’ agad kang magiging gayon. Anuman ang itawag Ko sa iyo, gayon ka. Hindi ba nakakamtan ang lahat ng ito ng ilang salitang nagmumula sa Aking mga labi? At ang ilang salita Kong ito ay lubhang nakakagalit sa iyo? Kung gayon, pagpasensyahan mo Ako! Kung hindi ka susunod ngayon, sa huli ay isusumpa ka—magiging masaya ka ba noon? Hindi mo pinapansin ang paraan ng pamumuhay kundi nakatuon ka lamang sa iyong katayuan at titulo; paano ang buhay mo? Hindi Ko itinatanggi na malaki ang naisakripisyo mo, ngunit tingnan mo ang iyong sariling tayog at pagsasagawa—at kahit ngayon, nakikipagkasundo ka pa rin. Ito ba ang tayog na iyong natamo mula sa iyong matibay na pagpapasya? May integridad ka pa ba? May konsiyensya ka ba? Ako ba ang may mali? Mali ba ang mga hiniling Ko sa iyo? Ano iyon? Pinagaganap Kita nang ilang araw bilang isang paghambing subalit ayaw mong gawin iyon. Anong klaseng matibay na pagpapasya iyan? Wala kayong paninindigan lahat, mga duwag kayo! Natural lamang na parusahan ang mga taong kagaya mo ngayon!” Nang sabihin Ko ito, hindi siya umimik.

Sa pagdaranas ng ganitong klaseng gawain ngayon, kailangan kayong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa mga hakbang ng gawain ng Diyos at sa Kanyang mga pamamaraan ng pagpapabago sa mga tao. Ang pagkakaroon nito lamang ang paraan para magkamit ng mga resulta sa pagbabago. Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para iwasto ang inyong pagnanais na magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao dahil palaging sinisira ng lason ni Satanas ang isipan ng mga tao, at palaging hindi maiwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at iniisip pa rin nila: “Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan makalamang kami sa iba, at kailangan magkaroon kami ng mas magandang katayuan at kinabukasan kaysa sa iba. Dahil naniniwala kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na paniniwala sa Diyos.” Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman. Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito. Hindi ba ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? “Dahil naniniwala ako sa Diyos dapat akong buhusan ng mga pagpapala at dapat matiyak na ang aking katayuan ay hindi bababa kailanman at na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya.” Hindi ka nagkikimkim ng ganyang klaseng pananaw sa iyong kalooban sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang pag-iisip mong makipagkasundo. Bagama’t nakarating ka na sa hakbang na ito ngayon, hindi ka pa rin bumibitiw sa katayuan kundi palagi mong pinipilit na alamin ang tungkol dito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang iyong katayuan at masira ang iyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa. Kaya nga, habang hinahatulan Ko kayo nang ganito ngayon, anong antas ng pagkaunawa ang tataglayin ninyo sa huli? Sasabihin ninyo na bagama’t hindi mataas ang inyong katayuan, nasiyahan pa rin kayo sa pagtataas ng Diyos. Dahil hamak ang inyong pagsilang ay wala kayong magandang katayuan, ngunit nagtatamo kayo ng magandang katayuan dahil itinataas kayo ng Diyos—ito ay isang bagay na ipinagkaloob Niya sa inyo. Ngayon ay personal ninyong nagagawang tumanggap ng pagsasanay ng Diyos, ng Kanyang pagkastigo, at ng Kanyang paghatol. Ito, higit pa, ay Kanyang pagtataas. Nagagawa ninyong personal na tumanggap ng Kanyang pagdadalisay at pagsunog. Ito ay dakilang pagmamahal ng Diyos. Sa nagdaang mga kapanahunan wala ni isang tao ang nakatanggap ng Kanyang pagdadalisay at pagsunog, at wala ni isang tao ang nagawang perpekto ng Kanyang mga salita. Ang Diyos ay nakikipag-usap sa inyo ngayon nang harapan, dinadalisay kayo, ibinubunyag ang pagkasuwail ng inyong kalooban—tunay na ito ay Kanyang pagtataas. Anong mga kakayahan ang taglay ng mga tao? Mga anak man sila ni David o mga inapo ni Moab, sa kabuuan, ang mga tao ay mga nilalang na walang nararapat na ipagmayabang. Dahil kayo ay mga nilalang ng Diyos, kailangan ninyong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang. Wala nang iba pang mga hinihiling sa inyo. Ganito kayo dapat manalangin: “Diyos ko! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang aking sarili. Kung mataas ang katayuan ko iyon ay dahil sa Iyong pagtataas, at kung ito ay mababa iyon ay dahil sa Iyong pagtatalaga. Lahat ay nasa Iyong mga kamay. Wala akong anumang mga pagpipilian, ni anumang mga reklamo. Itinalaga Mo na maisilang ako sa bansang ito at sa piling ng mga taong ito, at ang dapat ko lamang gawin ay maging ganap na masunurin sa ilalim ng Iyong kapamahalaan dahil lahat ay nakapaloob sa Iyong naitalaga. Hindi ko iniisip ang katayuan; matapos ang lahat, isa lamang akong nilalang. Kung ilalagay Mo ako sa walang-hanggang kalaliman, sa lawa ng apoy at asupre, isa lamang akong nilalang. Kung kakasangkapanin Mo ako, isa lamang akong nilalang. Kung gagawin Mo akong perpekto, isa pa rin akong nilalang. Kung hindi Mo ako gagawing perpekto, mamahalin pa rin Kita dahil isa lamang akong nilalang. Isa lamang akong napakaliit na nilalang na nilikha ng Panginoon ng paglikha, isa lamang sa lahat ng taong nilikha. Ikaw ang lumikha sa akin, at muli Mo ako ngayong inilagay sa Iyong mga kamay upang gawin sa akin ang gusto Mo. Handa akong maging Iyong kasangkapan at Iyong panghambing dahil lahat ay kung ano ang Iyong naitalaga. Walang sinuman na maaaring baguhin ito. Lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa Iyong mga kamay.” Kapag dumating ang panahon na hindi mo na iniisip ang katayuan, makakalaya ka na roon. Saka mo lamang magagawang maghanap nang may tiwala at tapang, at saka lamang magiging malaya ang puso mo sa anumang mga paghihigpit. Kapag napalaya na ang mga tao mula sa mga bagay na ito, mawawalan na sila ng mga alalahanin. Ano ang mga alalahanin ng karamihan sa inyo ngayon mismo? Lagi kayong nasisikil ng katayuan at palagi kayong nag-aalala tungkol sa sarili ninyong mga inaasam. Palagi ninyong binubuklat ang mga pahina ng mga pahayag ng Diyos, sa pagnanais na basahin ang mga sinasabi tungkol sa hantungan ng sangkatauhan at sa kagustuhang malaman kung ano ang inyong maaasahan at inyong magiging hantungan. Iniisip ninyo, “Mayroon ba talaga akong anumang maaasahan? Inalis na ba ng Diyos ang mga iyon? Sinasabi lamang ng Diyos na ako ay isang panghambing; kung gayo’y ano ang aking maaasahan?” Mahirap para sa inyo na isantabi ang inyong mga inaasam at tadhana. Kayo ngayon ay mga alagad, at nagtamo na kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa yugtong ito ng gawain. Gayunman, hindi pa rin ninyo naisasantabi ang inyong pagnanasa sa katayuan. Kapag mataas ang inyong katayuan naghahanap kayong mabuti, ngunit kapag mababa ang inyong katayuan hindi na kayo naghahanap. Palagi ninyong iniisip ang mga pagpapala ng katayuan. Bakit hindi maialis ng karamihan sa mga tao ang pagiging negatibo? Hindi kaya dahil palaging malabo ang mga maaasahan? Sa sandaling inilabas na ang mga pahayag ng Diyos nagmamadali kayong makita kung ano talaga ang inyong katayuan at identidad. Inuuna ninyo ang katayuan at identidad, at pumapangalawa lamang sa inyo ang pangitain. Nasa pangatlo ang isang bagay na dapat ninyong pasukin, at nasa pang-apat ang kasalukuyang kalooban ng Diyos. Tinitingnan muna ninyo kung nagbago na ang titulo ng Diyos para sa inyo na “mga panghambing” o hindi pa. Basa kayo nang basa, at kapag nakita ninyo na naalis na ang titulong “panghambing,” sumasaya kayo at panay ang pasasalamat ninyo sa Diyos at pinupuri ninyo ang Kanyang dakilang kapangyarihan. Ngunit kung nakita ninyo na mga panghambing pa rin kayo, nagagalit kayo at agad na napapawi ang sigla sa puso ninyo. Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang napapala mo. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas mahigpit siyang iwasto at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang iwasto at hatulan nang sapat upang lubusan nilang talikuran ang mga bagay na ito. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Yaong mga hindi naghahangad na matamo ang buhay ay hindi maaaring mabago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanasa at mga bagay na pumipigil sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian? Kung ang pakay ng iyong paghahangad ay hindi para hanapin ang katotohanan, mabuti pang samantalahin mo ang pagkakataong ito at bumalik ka sa sanlibutan upang subukang gawin iyon. Ang pagsasayang ng iyong panahon sa ganitong paraan ay talagang hindi sulit—bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? Hindi ba totoo na maaari mong matamasa ang lahat ng uri ng bagay sa magandang sanlibutan? Pera, magagandang babae, katayuan, kahambugan, pamilya, mga anak, at iba pa—hindi ba ang mga produktong ito ng sanlibutan ang pinakamagagandang bagay na maaari mong matamasa? Ano ang silbi ng paggala-gala rito sa paghahanap ng isang lugar kung saan ka magiging masaya? Ang Anak ng tao ay walang mahimlayan ng Kanyang ulo, kaya paano ka magkakaroon ng isang lugar na maginhawa? Paano Siya lilikha ng isang magandang lugar na maginhawa para sa iyo? Posible ba iyon? Bukod sa Aking paghatol, ang matatanggap mo lamang ngayon ay ang mga turo tungkol sa katotohanan. Hindi ka makatatamo ng kaginhawahan mula sa Akin at hindi mo maaaring matamo ang maginhawang sitwasyong kinasasabikan mo gabi’t araw. Hindi Ko ipagkakaloob sa iyo ang mga yaman ng sanlibutan. Kung tapat kang naghahanap, handa Akong ibigay sa iyo nang buong-buo ang daan ng buhay, upang maging tulad ka ng isang isda na naibalik sa tubig. Kung hindi ka tapat na naghahanap, babawiin Ko itong lahat. Hindi Ako handang ibigay ang mga salitang nagmumula sa Aking bibig sa mga yaong ganid sa kaginhawahan, na katulad lamang ng mga baboy at aso!

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “maybahay.”

Sinundan: Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1

Sumunod: Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito