Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3

Sa ngayon, mas nagiging abala ang mga gumaganap ng mga tungkulin. Nararamdaman nilang masyadong mabilis ang pagtakbo ng oras, na kulang na ang oras. Bakit ganoon? Ang totoo, ito ay dahil nauunawaan na nila ngayon ang katotohanan at mayroon na silang kabatiran sa maraming bagay. Pabigat nang pabigat ang kanilang pagpapahalaga sa responsabilidad, at mas masigasig na nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, mas detalyado na ang kanilang gawain. Kaya, nararamdaman nilang parami nang parami ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya lalo silang nagiging abala sa kanilang mga tungkulin. At bukod pa roon, araw-araw, ang karamihan ng mga gumaganap ng mga tungkulin ay dapat ding magbasa ng mga salita ng Diyos at makipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Dapat nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at kapag may sumapit sa kanila na problema, dapat nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Dapat din silang matuto ng ilang propesyonal na kasanayan. Palagi nilang nararamdaman na kulang ang oras, na masyadong mabilis ang bawat araw. Sa gabi, pinagmumuni-munihan nila ang ginawa nila sa araw na iyon, at sa tingin nila ay walang masyadong halaga ang ginawa nila, na hindi ito nagkaroon ng magandang resulta. Pakiramdam nila ay napakababa ng kanilang tayog at kulang na kulang sila, at sabik silang lumago kaagad ang tayog nila. Sinasabi ng ilan sa kanila, “Kailan ba matatapos ang pagkaabala ng gawaing ito? Kailan ko mapatatahimik ang puso ko at mababasa nang wasto ang mga salita ng Diyos, at masasangkapan nang wasto ang sarili ko ng katotohanan? Masyadong limitado ang nakakamit ko sa isa o dalawang pagtitipon sa isang linggo. Dapat ay mas nagbabahaginan pa kami at nakikinig sa mas marami pang sermon—iyon lang ang paraan upang maunawaan ang katotohanan.” Kaya naghihintay sila at nananabik, at sa isang kisap-mata, tatlo, apat, limang taon na ang dumaan, at pakiramdam nila ay napakabilis ng panahon. Ang ilang tao ay hindi gaanong makapagbigay ng patotoong batay sa karanasan kahit sampung taon na silang nananalig. Nababalisa sila, natatakot na maaabandona sila, at nais nilang mabilis na sangkapan ang kanilang sarili ng mas marami pang katotohanan. Kaya nararamdaman nila ang kagipitan sa oras. Marami ang ganito mag-isip. Nararamdaman ng lahat ng taong nagdadala ng pasanin ng pagganap sa tungkulin at naghahangad sa katotohanan na napakabilis lumipas ng oras. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, na nagnanasa ng ginhawa at mga kasiyahan, ay hindi nararamdamang mabilis ang takbo ng oras; nagrereklamo pa nga ang ilan sa kanila, “Kailan ba darating ang araw ng Diyos? Palagi na lang nilang sinasabing patapos na ang Kanyang gawain—eh bakit hindi pa ito natatapos? Kailan ba lalaganap ang gawain ng Diyos sa buong sansinukob?” Ang pakiramdam ng mga taong nagsasabi ng gayong mga bagay ay napakabagal ng takbo ng oras. Sa puso nila, wala silang interes sa katotohanan; palagi nilang ninanais na bumalik sa mundo sa labas at ipagpatuloy ang kanilang munting buhay. Malinaw na naiiba ang kalagayan nilang ito sa kalagayan ng mga taong naghahangad sa katotohanan. Gaano man kaabala sa kanilang mga tungkulin ang mga taong naghahangad sa katotohanan, nagagawa pa rin nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problemang nararanasan nila, at makipagbahaginan tungkol sa mga bagay na hindi malinaw sa kanila sa mga sermong narinig nila, at patahimikin ang kanilang puso araw-araw upang magnilay kung kumusta ang naging pagganap nila, pagkatapos ay pag-isipan ang mga salita ng Diyos at manood ng mga video ng patotoong batay sa karanasan. May mga nakakamit sila mula rito. Gaano man sila kaabala sa kanilang mga tungkulin, hinding-hindi nito nahahadlangan, ni naaantala, ang kanilang pagpasok sa buhay. Natural para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan na magsagawa nang ganito. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi hinahanap ang katotohanan at hindi sila handang patahimikin ang kanilang sarili sa harap ng Diyos upang pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, abala man sila sa kanilang tungkulin at anuman ang problemang maranasan nila. Kaya, abala man sila o walang gaanong ginagawa sa kanilang tungkulin, hindi nila hinahangad ang katotohanan. Sa katunayan, kung gusto ng isang tao na hangarin ang katotohanan, at kung inaasam niya ang katotohanan, at dinadala ang pasanin ng buhay pagpasok at disposisyonal na pagbabago, lalong mapapalapit sa Diyos ang puso niya at magdadasal siya sa Diyos, gaano man siya kaabala sa kanyang tungkulin. Tiyak na magkakamit siya ng kaunting kaliwanagan at kaningningan ng Banal na Espiritu, at walang humpay na lalago ang kanyang buhay. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan at hindi siya nagdadala ng anumang pasanin ng buhay pagpasok o disposisyonal na pagbabago, o kung hindi siya interesado sa mga bagay na ito, hindi niya makakamit ang kahit ano. Ang pagninilay-nilay sa kung anong mga pagbuhos ng katiwalian ang mayroon ang isang tao ay isang bagay na dapat ginagawa kahit saan, anumang oras. Halimbawa, kung ang isang tao ay nagpakita ng katiwalian habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, sa kanyang puso, dapat siyang magdasal sa Diyos, at pagnilayan ang kanyang sarili, at kilalanin ang kanyang tiwaling disposisyon, at hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Usapin ito ng puso; wala itong epekto sa kasalukuyang gawain. Madali ba itong gawin? Depende iyon sa kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi interesado sa mga usapin ng paglago sa buhay. Hindi nila isinasaalang-alang ang gayong mga bagay. Ang mga taong naghahangad sa katotohanan lang ang handang pagsikapan ang paglago sa buhay; sila lang ang madalas na nagninilay sa mga problemang talagang umiiral, at kung paano hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problemang iyon. Sa katunayan, parehas lang ang proseso ng paglutas ng mga problema at ang proseso ng paghahangad sa katotohanan. Kung madalas na nakatuon ang isang tao sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, at nakalutas na siya ng marami-raming problema sa loob ng ilang taon ng gayong pagsasagawa, tiyak na pasok sa pamantayan ang kanyang pagganap sa kanyang tungkulin. Ang gayong mga tao ay mas higit na kaunti ang pagbuhos ng katiwalian, at nagkamit sila ng mas tunay na karanasan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Kaya naman nagagawa nilang magpatotoo para sa Diyos. Paano sumasailalim ang gayong mga tao sa karanasang nagsimula noong una nilang tinanggap ang kanilang tungkulin, hanggang sa nagagawa na nilang magpatotoo para sa Diyos? Dinaranas nila ito sa pamamagitan ng pag-asa sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema. Kaya gaano man kaabala sa kanilang mga tungkulin ang mga taong naghahangad sa katotohanan, hinahanap pa rin nila ang katotohanan upang lutasin ang mga problema at nagtatagumpay sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin nang ayon sa mga prinsipyo, at nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Ito ang proseso ng buhay pagpasok, at ito rin ang proseso ng pagpasok sa katotohanang realidad. Palaging sinasabi ng ilang tao na napakaabala nila sa kanilang mga tungkulin na wala na silang oras para hangarin ang katotohanan. Hindi ito totoo. Pagdating sa isang taong naghahangad sa katotohanan, anumang gawain ang maaaring ginagawa niya, sa sandaling may matuklasan siyang problema, hahanapin niya ang katotohanan upang lutasin ito, at mauunawaan at makakamit niya ang katotohanan. Tiyak ito. Marami ang nag-iisip na mauunawaan lang ang katotohanan sa pamamagitan ng araw-araw na pagtitipon. Maling-mali ito. Ang katotohanan ay hindi isang bagay na mauunawaan sa pamamagitan lamang ng pagtitipon at pakikinig sa mga sermon; kailangan din ng isang tao na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, at kailangan din niya ang prosesong iyon ng pagtuklas at paglutas ng mga problema. Ang mahalaga ay dapat niyang matutunan na hanapin ang katotohanan. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi ito hinahanap, anumang problema ang sumapit sa kanila; ang mga nagmamahal sa katotohanan ay hinahanap ito, gaano man sila kaabala sa kanilang mga tungkulin. Kaya masasabi natin nang may katiyakan na ang mga taong iyon na palaging nagrereklamo na sa sobrang pagkaabala nila sa kanilang mga tungkulin ay wala na silang oras para makipagtipon, kaya ipinagpapaliban nila ang paghahangad nila sa katotohanan, ay mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Mga tao silang may kakatwang pagkaunawa na walang espirituwal na pang-unawa. Kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga sermon, bakit hindi nila maisagawa o magamit ang mga ito sa kanilang pagganap sa kanilang mga tungkulin? Bakit hindi nila magamit ang mga salita ng Diyos sa kanilang totoong buhay? Sapat na ito para maipakitang hindi nila minamahal ang katotohanan, at kaya anumang paghihirap ang kanilang maranasan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, hindi nila hinahanap o isinasagawa ang katotohanan. Malinaw na mga trabahador ang mga taong ito. Maaaring ninanais ng ilang tao na hangarin ang katotohanan, ngunit masyadong mahina ang kanilang kakayahan. Ni hindi nila maisaayos nang mabuti ang sarili nilang buhay; kapag mayroon silang dalawa o tatlong bagay na kailangang gawin, hindi nila alam kung alin ang uunahin at kung alin ang ihuhuli. Kapag dalawa o tatlong problema ang sumapit sa kanila, hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Naguguluhan sila. Makakamit ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Magagawa ba nilang magtagumpay sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema? Hindi tiyak na magagawa nila ito, dahil masyadong mahina ang kanilang kakayahan. Maraming tao ang handang hangarin ang katotohanan, subalit matapos manalig sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon, sa huli ay hindi sila makapagbigay ng anumang patotoong batay sa karanasan, at wala man lang silang nakamit na katotohanan. Ang pangunahing dahilan nito ay napakahina ng kanilang kakayahan. Kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan ay hindi nakadepende sa kung gaano siya kaabala sa kanyang tungkulin o kung gaano karaming oras ang mayroon siya; nakadepende ito sa kung minamahal ba niya ang katotohanan sa puso niya. Ang totoo, pare-pareho ang dami ng oras ng lahat ng tao; ang naiiba ay kung saan ito ginugugol ng bawat tao. Posible na ang sinumang nagsasabing wala siyang oras na hangarin ang katotohanan ay ginugugol ang kanyang oras sa mga kasiyahan ng laman, o na abala siya sa kung anong panlabas na aktibidad. Hindi niya ginugugol ang oras na iyon sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema. Ganito ang mga taong pabaya sa kanilang paghahangad. Naaantala nito ang dakilang usapin ng kanilang buhay pagpasok.

Sa ating huling dalawang pagtitipon, nagbahaginan tayo sa paksa ng “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan,” pati na rin sa ilang detalyeng nauugnay sa paksang iyon. Magsimula tayo sa pagbabalik-tanaw sa pinagbahaginan natin sa ating huling pagtitipon. Naglatag tayo ng tumpak na depinisyon ng “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan,” pagkatapos ay nagbahaginan tayo tungkol sa mga partikular na problema at partikular na paraan ng pag-asal ng mga tao na may kaugnayan sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Ano ang panghuling aytem ng ating pagbabahaginan sa huli nating pagtitipon? (Nagtanong ang Diyos: Yamang hindi katotohanan ang mga pinaniniwalaan ng tao na mabuti at tama, bakit hinahangad pa rin niya ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan?) Yamang ang mga bagay na iyon na pinaniniwalaan ng tao na mabuti at tama ay hindi ang katotohanan, bakit itinataguyod pa rin niya ang mga ito na para bang katotohanan ang mga ito, habang iniisip na hinahangad niya ang katotohanan? Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa tatlong bagay na tumutugon sa tanong na ito. Ang una: Ang mga bagay na ito na hinahangad ng tao ay hindi ang katotohanan, kaya bakit isinasagawa pa rin niya ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan? Dahil para sa tao, tila ang katotohanan ang mga bagay na nakikita niya bilang tama at mabuti, kaya hinahangad ng tao ang mga bagay na iyon na iniisip niyang mabuti at tama na para bang ang mga ito ang katotohanan. Hindi ba’t malinaw ang ganitong pagpapaliwanag? (Malinaw nga.) Kaya, ano ang tumpak na sagot sa tanong na ito? Itinataguyod ng mga tao ang mga bagay na iniisip nilang tama at mabuti na para bang ang mga ito ang katotohanan, at sa paggawa niyon, iniisip nilang hinahangad nila ang katotohanan. Hindi ba’t iyon ang kompletong sagot? (Iyon nga.) Ang pangalawa: Bakit iniisip ng tao na hinahangad niya ang katotohanan sa pagtataguyod sa mga bagay na iniisip niyang mabuti at tama na para bang ang mga ito ang katotohanan? Maaari itong sagutin nang ganito: Dahil may pagnanais ang tao na siya ay pagpalain. Hinahangad ng tao ang mga bagay na ito na pinaniniwalaan niyang tama at mabuti nang may pagnanasa at ambisyon, at kaya iniisip niyang isinasagawa at hinahangad niya ang katotohanan. Sa diwa, pagtatangka itong makipagtawaran sa Diyos. Ang pangatlo: Kung may taglay na normal na konsensiya at katwiran ang isang tao, sa mga sitwasyon na hindi niya nauunawaan ang katotohanan, likas niyang pipiliing kumilos ayon sa kanyang konsensiya at katwiran, susunod siya sa mga regulasyon, batas, tuntunin, at iba pa. Maaari nating sabihing likas na itinataguyod ng tao ang mga bagay na itinuturing ng kanyang konsensiya na positibo, nakabubuti, at nakaayon sa pagkatao, na para bang ang mga ito ang katotohanan. Matatamo ito sa saklaw ng konsensiya at katwiran ng tao. Marami ang kayang normal na magpakapagod sa sambahayan ng Diyos; handa silang magtrabaho at magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos dahil may taglay silang normal na konsensiya at katwiran. Upang magkamit ng mga pagpapala, sasailalim pa nga sila sa pagdurusa at magbabayad ng anumang halaga. Kaya, itinuturing din ng tao ang kaya niyang gawin sa saklaw ng kanyang konsensiya at katwiran bilang pagsasagawa at paghahangad sa katotohanan. Ang mga ito ang tatlong pangunahing punto sa sagot sa tanong na iyon. Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa tatlong puntong ito sa pangkalahatang paraan; ngayon, magsasagawa tayo ng partikular at detalyadong pagbabahaginan tungkol sa mga problemang idinudulot ng tatlong punto na ito, at hihimayin natin ang mga problemang nauugnay sa bawat punto, pati na kung paano naiiba o salungat sa paghahangad sa katotohanan ang bawat elemento, nang sa gayon ay mas malinaw ninyong malaman kung ano ang paghahangad sa katotohanan at paano mismo dapat isagawa ang paghahangad na iyon. Ang paggawa niyon ay magsisilbing mas magandang insentibo para tumpak na isagawa at hangarin ng mga tao ang mga katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Magsisimula tayo sa pagbabahaginan tungkol sa unang aytem. Sa madaling salita, tutuon ang ating pagbabahaginan para sa unang aytem sa mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti. Bakit dapat tumuon ang ating pagbabahaginan sa paksang iyon? Ano ang mga problemang nauugnay sa paksang iyon? Pag-isipan muna ang mga detalye niyon. Makakaya ba ninyong tumpak na maunawaan ang mga ito kung hindi tayo wastong magbabahaginan tungkol sa mga ito sa mga pagtitipon? Kung wala tayong gagawing partikular na pagbabahaginan tungkol dito, at susundin lang ninyo ang inyong pagmumuni-muni tungkol dito, o kung gugugol kayo ng oras sa pagdanas nito at pagkilala rito? Kung gayon, malalaman ba ninyo kung anong mga katotohanan ang may kinalaman sa paksang ito? Mauunawaan ba ninyo ang mga iyon sa pamamagitan ng pagmumuni-muni? (Hindi.) Magsisimula tayo sa pagsisiyasat sa mga literal na salita ng pariralang “mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti” at titingnan natin kung gaano kalawak ang inyong kaalaman tungkol dito. Una, ano ang tutugunan ng mahalagang bahagi ng pariralang ito, na pagbabahaginan natin? Hindi ba ninyo nababatid? Mahirap bang unawain ang pariralang ito? May misteryo ba rito? (Tinutugunan nito ang mga kuru-kuro at imahinasyon sa tao.) Pangkalahatan ang ganyang paliwanag; magbigay ng halimbawa. (Naniniwala ang tao sa kanyang mga kuru-kuro na basta’t kaya niyang tumalikod, gumugol ng sarili, magdusa, at magbayad ng mga halaga, makakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. May ilang tradisyonal na kultura din—mga bagay gaya ng pagiging mabuting anak sa magulang at pag-aasikaso ng mga babae sa kanilang mga asawa at pagpapalaki sa kanilang mga anak. Itinuturing din ng mga tao ang mga ito bilang mabubuting bagay.) Nakuha ninyo ang ilan sa mga ito. Naunawaan na ba ninyo ang punto? Anong mga bahagi ang nauugnay sa ating paksa? (Pagtalikod, paggugol, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga.) (Pagiging mabuting anak sa magulang, at pag-aasikaso ng mga babae sa kanilang mga asawa at pagpapalaki sa kanilang mga anak.) Oo. Mayroon pa ba? (Pagpapakita ng pagkadeboto, pagpapasensya, at pagpapaubaya, tulad ng mga Pariseo.) Pagpapakumbaba, pagpapasensya, pagpapaubaya—may kinalaman ito sa ilang partikular na pagpapakita at kasabihan sa pag-uugali. Dahil magbabahaginan tayo tungkol sa gayong paksa, pinakamainam na magbahaginan tayo nang partikular, gamit ang mga partikular na kasabihan. Makapagkakamit ang mga tao ng mas tumpak at eksaktong pagkaunawa kung tutuon tayo nang ganoon sa tanong. Sa ngayon, wala kayong maibigay na anumang ideya, kaya magbabahagi na lang Ako, ayos ba iyon? (Oo.) Ang limang libong taong kultura ng Tsina ay “malawak at malalim,” puno ng lahat ng uri ng mga sikat na kasabihan at idyoma. Marami rin itong ipinagmamalaking “mga sinaunang pantas,” gaya nina Confucius, Mencius, at mga katulad nila. Nilikha nila ang mga turo ng Confucianismo ng Tsino, na bumubuo sa pangunahing bahagi ng tradisyonal na kulturang Tsino. Maraming wika, bokabularyo, at kasabihan sa tradisyonal na kulturang Tsino na binuo ng hene-henerasyon ng mga tao. Ang ilan sa mga ito ay tumutukoy sa sinaunang panahon, ang ilan ay hindi; ang ilan sa mga ito ay nagmula sa mga karaniwang tao, at ang iba ay mula sa mga kilalang tao. Maaaring hindi ninyo masyadong gusto ang tradisyonal na kultura, o lumayo na kayo sa mababang-uri na tradisyonal na kultura, o maaaring bata pa kayo kaya hindi pa ninyo napag-aaralan o nasasaliksik nang husto ang “malawak at malalim” na tradisyonal na kultura ng Tsina, kung kaya hindi pa ninyo alam ang tungkol dito o hindi pa ninyo nauunawaan ang gayong mga bagay. Sa totoo lang, mabuting bagay iyan. Bagamat maaaring hindi ito nauunawaan ng isang tao, ang kanyang pag-iisip at mga kuru-kuro ay bahagyang nakintalan at naapektuhan ng mga bagay ng tradisyonal na kultura. Bilang resulta ay namumuhay siya ayon sa mga bagay na iyon nang hindi niya namamalayan. Ang mga ipinasa mula sa mga ninuno, ibig sabihin, ang tradisyonal na kulturang ipinasa mula sa mga ninuno ng tao, ay nagpapahayag ng kung anu-ano tungkol sa kung paano dapat magsalita, kumilos, at umasal ang tao. At bagamat ang mga tao ay maaaring may iba-ibang pagkaunawa at pananaw sa iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura, sa pangkalahatan ay nakatitiyak sila tungkol sa gayong mga bagay ng tradisyonal na kultura. Mula sa obserbasyong ito, makikita natin na ang mga pinagmumulan ng impluwensiya sa buhay at pag-iral ng sangkatauhan, sa pagtingin nito sa mga tao at bagay, at sa asal at kilos nito ay pawang ang mga bagay ng tradisyonal na kultura. Bagamat ang iba’t ibang etnisidad ng sangkatauhan ay nagkakaiba-iba sa kanilang mga pahayag tungkol sa mga moral na pamantayang itinataguyod nila, magkakatulad pa rin ang mga pangkalahatang ideya sa likod ng mga ito. Ngayong araw, pagbabahaginan at hihimayin natin ang ilan sa mga ito nang detalyado. Bagamat hindi natin mababanggit at mahihimay ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao na tama at mabuti, ang pangkalahatang nilalaman ng mga ito ay wala nang iba kundi ang dalawang elementong iyon na nabanggit sa depinisyon ng paghahangad sa katotohanan: ang pagtingin ng isang tao sa mga tao at bagay, at kung paano umaasal at kumikilos ang isang tao. Ang isa ay tungkol sa mga pananaw, habang ang isa pa ay tungkol sa mga pag-uugali. Nangangahulugan ito na itinuturing ng tao ang mga tao at pangyayari sa mundo sa pamamagitan ng mga bagay na pinaniniwalaan niya sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti, at itinuturing niya ang mga bagay na iyon bilang pundasyon, batayan, at mga pamantayan ng kanyang pag-asal at pagkilos. Kung gayon, ano ba mismo ang mga mabuti at tamang bagay na ito? Sa pangkalahatan, ang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti ay mga hinihingi lang na dapat na kumilos nang maayos ang tao at na dapat ay mayroon siyang mabubuting moralidad at karakter ng tao. Ang dalawang bagay na iyon lang. Pag-isipan ito: Hindi ba’t talagang ang dalawang bagay na iyon lang? (Ganoon na nga.) Ang isa ay mabuting pag-uugali; ang isa pa ay karakter at mga moralidad ng tao. Pangunahing nagtatag ang sangkatauhan ng dalawang bagay bilang mga pamantayang ginagamit sa pagsukat sa pagkataong ipinapamuhay at inaasal ng isang tao: Ang isa rito ay ang hinihingi na dapat kumilos nang maayos ang tao sa panlabas, ang isa pa ay na dapat siyang umasal nang may moralidad. Ginagamit nila ang dalawang salik na ito upang sukatin ang kabutihan ng isang tao. Dahil ginagamit nila ang dalawang salik na ito upang sukatin ang kabutihan ng isang tao, lumitaw hanggang sa puntong iyon ang mga pamantayang ginagamit para husgahan ang pag-uugali at mga moralidad ng mga tao, at habang lumilitaw ang mga ito, natural na nagsimulang makarinig ang mga tao ng lahat ng uri ng mga pahayag tungkol sa wastong asal ng tao o sa kanyang pag-uugali. Anong mga partikular na kasabihan ang mayroon? Alam ba ninyo? Iyong simple lang, halimbawa: Anong mga pamantayan at kasabihan ang mayroon para sa pagsukat sa pag-uugali ng mga tao? Pagiging may pinag-aralan at matino, pagiging malumanay at pino—may kinalaman ang mga ito sa mga panlabas na pag-uugali. Kasama ba rito ang pagiging magalang? (Oo.) Halos magkakapareho ang iba pa, at sa pamamagitan ng paghahambing, malalaman ninyo kung aling mga salita at pahayag ang mga pamantayan para sa pagsukat sa pag-uugali ng tao, at kung aling mga pahayag ang mga pamantayan para sa pagsukat sa kanyang mga moralidad. Ngayon, ang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal”—pamantayan ba iyon para sa panlabas na pag-uugali o mga moralidad? (Tungkol ito sa mga moralidad at etika.) Paano naman ang kagandahang-loob? (Tungkol din iyon sa mga moralidad.) Tama. May kinalaman ang mga ito sa mga moralidad, sa moral na karakter ng tao. Ang mga pangunahing pahayag na may kinalaman sa pag-uugali ng tao ay iyong mga gaya ng pagiging magalang, malumanay at pino, at may pinag-aralan at matino. Ito ay pawang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti; ito ay mga bagay na pinaniniwalaan niyang positibo, batay sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura, o kahit papaano ay nakaayon sa konsensiya at katwiran, hindi mga negatibong bagay. Ang pinag-uusapan natin dito ay mga bagay na pangkalahatang kinikilala ng mga tao na tama at mabuti. Ano pang ibang pahayag ang mayroon tungkol sa mabuting pag-uugali ng tao, bukod sa tatlong kababanggit Ko pa lamang? (Pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata.) Pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, pagiging madaling lapitan—lahat ng ito ay mga bagay na medyo pamilyar sa mga tao at nauunawaan nila. Pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at madaling lapitan—sa isip ng tao, ang lahat ng may mga ganitong pag-uugali ay pinaniniwalaang isang mabuting tao, mabait na tao, isang taong may pagkatao. Sinusukat ng lahat ang ibang tao batay sa pag-uugali ng mga ito; hinuhusgahan nila ang kabutihan ng isang tao ayon sa panlabas na pag-uugali nito. Hinuhusgahan, tinutukoy, at sinusukat ng mga tao kung ang isang tao ay edukado at may pagkatao, kung karapat-dapat na makipag-ugnayan dito at pagkatiwalaan ito, ayon sa mga kaisipan at ideya ng tradisyonal na kultura at sa mga pag-uugali ng taong iyon na nakikita nila. May abilidad ba ang mga taong mapasok ang materyal na mundo? Walang-wala. Mahuhusgahan at matutukoy lang ng mga tao kung ang isang tao ay mabuti o masama, o kung anong uri siya ng tao, ayon sa pag-uugali nito; sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan, pakikipag-usap, at pakikipagtulungan sa isang tao ay saka lang maoobserbahan at matutukoy ng mga tao ang mga bagay na iyon. Tahasan mo mang ginagamit ang mga pahayag na tulad ng “Maging may pinag-aralan at matino,” “Maging magiliw,” at “Ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata,” sa iyong mga pagsukat, ang mga pamantayan ng iyong mga pagsukat ay hindi lumalampas sa mga pahayag na ito. Kapag hindi makita ng isang tao ang kaloob-looban ng isa pang tao, sinusukat niya kung ang taong ito ba ay mabuti o masama, marangal o mababang-uri, sa pamamagitan ng pag-oobserba sa pag-uugali at mga pagkilos nito at paglalapat sa mga pamantayang ito para sa pag-uugali. Ito lang ang talagang ginagamit niya. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Batay sa mga pahayag na kababalangkas lamang, anong mga pamantayan para sa pagsukat ang mayroon ang sangkatauhan? Ano ang mga bagay na pinaniniwalaan ng sangkatauhan sa mga kuru-kuro nito na mabuti at tama? Sa halip na magsimula sa mga bagay tungkol sa wastong asal, simulan natin ang ating pagbabahaginan at paghihimay sa mga mabuti, tama, at positibong bagay na inilalabas at ipinapamalas ng tao sa kanyang pag-uugali. Tingnan natin kung talagang mga positibong bagay ang mga ito. Mayroon bang kahit ano sa mga pahayag na inilista natin ang nauugnay sa katotohanan? Umaayon ba sa katotohanan ang anuman sa nilalaman ng mga ito? (Hindi.) Kung ang paghahangad ng isang tao ay ang maging gayong tao, isang taong may mga gayong pag-uugali at gayong panlabas, hinahangad ba ng taong iyon ang katotohanan? Nauugnay ba ang hinahangad niya sa paghahangad sa katotohanan? Ang isang tao bang nagtataglay ng mga pag-uugaling ito ay nagsasagawa at naghahangad sa katotohanan? Isa ba talagang tunay na mabuting tao, sa tunay na kahalagahan ng termino, ang isang taong nagtataglay ng mga pag-uugali at pagpapakitang ito? Ang sagot ay hindi—hindi siya mabuting tao. Malinaw ito.

Tingnan muna natin ang pahayag na ang isang tao ay dapat na may pinag-aralan at matino. Sabihin kung ano ang mismong ibig sabihin ng pahayag na “Pagiging may pinag-aralan at matino”. (Inilalarawan nito ang isang tao na medyo disente at maayos ang asal.) Ano ang ibig sabihin ng maging “disente”? (Ang ibig sabihin nito ay ang maging medyo kontrolado.) Tama. Anong mga panuntunan ang sinusunod ng gayong tao? Kapag mas partikular ang iyong sagot, mas magiging lubos ang iyong pagkaunawa sa bagay na ito at sa diwa nito. Ano ang ibig sabihin ng maging kontrolado? Narito ang isang halimbawa. Kapag kumakain, hindi dapat umupo ang nakababatang henerasyon hangga’t hindi pa umuupo ang kanilang mga nakatatanda, at dapat silang manahimik kapag hindi nagsasalita ang mga nakatatanda. Pagdating sa pagkaing inilaan para sa mga nakatatanda, walang maaaring kumain nito maliban kung pahintulutan ito ng mga nakatatanda. Bukod doon, bawal magsalita habang kumakain, o maglabas ng ngipin, o tumawa nang malakas, o magpatunog ng mga labi, o anumang pagkakaskas sa plato. Kapag natapos na ang nakatatandang henerasyon, ang nakababata ay dapat na huminto agad sa pagkain at tumayo na. Maaari lamang silang magpatuloy sa pagkain kapag nakaalis na ang kanilang mga nakatatanda. Hindi ba’t ito ang pagsunod sa mga panuntunan? (Ito nga.) Umiiral ang mga panuntunang ito, sa magkakaibang antas, sa bawat tahanan at sambahayan, sa mga pamilya na mula sa iba’t ibang pangalan at lahi. Sinusunod ng lahat ng tao ang mga panuntunang ito sa magkakaibang antas, at habang ginagawa nila ito, nalilimitahan sila ng mga ito. May iba’t ibang panuntunan sa iba’t ibang pamilya—at sino ang nagtatakda ng mga ito? Ang mga ninuno at iginagalang na nakatatanda ng iba’t ibang kapanahunan ng pamilyang iyon ang nagtakda sa mga iyon. Binibigyan ang mga ito ng espesyal na pagpapahalaga kapag nagdiriwang ng mahahalagang kapistahan at mga araw ng paggunita; dapat na sumunod sa mga ito ang lahat ng tao, walang sinuman ang eksepsyon. Kung sakaling may isang taong hindi sumunod sa mga panuntunan o lumabag sa mga ito, matindi siyang parurusahan ng mga paghihigpit ng pamilya. Ang ilan ay maaari pa ngang kailanganing lumuhod para humingi ng tawad sa altar ng pamilya. Ganoon ang mga panuntunan. Ang pinag-uusapan natin ngayon-ngayon lang ay ilan lang sa mga panuntunang maaaring nalalapat sa isang sambahayan o pamilya. Hindi ba’t bahagi ang mga gayong panuntunan ng kahulugan ng pagiging “disente”? (Oo.) Malalaman na kung ang isang tao ay may disenteng pag-uugali sa pamamagitan ng panonood sa pagkain nito. Kung maingay itong ngumuya, o walang gana sa pagkain, o palaging maliit na piraso ang ibinibigay na pagkain sa iba, at nagsasalita ito habang kumakain, at malakas na tumatawa, at may mga pagkakataon pa nga na itinuturo nito ang kausap gamit ang mga chopstick nito, kung gayon, sa lahat ng ito, ipinapakita nito ang pagiging hindi disente nito. Ipinahihiwatig ng pagsasabing hindi disente ang isang tao na ang ibang tao ay pinagagalitan, kinukwestiyon, at kinasusuklaman ang kanyang pag-uugali. Iyong mga disente naman ay hindi nagsasalita kapag kumakain, o humahagikhik, ni hindi sila walang gana sa pagkain o nabibigay ng maliit na piraso ng pagkain sa iba. Medyo kontrolado sila. Nakikita ng ibang tao ang kanilang pag-uugali at pagganap, at dahil dito, sinasabi ng mga ito na sila ay disenteng tao. At dahil sa pagiging disente nila, nakakamit nila ang paggalang at pagpapahalaga ng iba, maging ang pagkagiliw ng mga ito. Ito ay isang bahagi ng batayan ng pagiging disente. Ano ba talaga ang pagiging disente? Kasasabi pa lang natin: May kinalaman lang ang “pagiging disente” sa pag-uugali ng tao. Halimbawa, sa mga huling halimbawang ito, mayroong kaayusan na ayon sa henerasyon kapag kumakain. Dapat na ang lahat ay maupo sa pwesto na ayon sa mga panuntunan; hindi sila dapat maupo sa maling puwesto. Sinusunod ng parehong mga nakatatanda at nakababatang henerasyon ang mga panuntunan ng pamilya, na walang sinuman ang maaaring lumabag, at sila ay tila labis na kontrolado, magalang, marangal, may dignidad—subalit gaano man sila mukhang ganoon, lahat ng ito ay panlabas na mabuting pag-uugali lang. Kinasasangkutan ba ito ng mga tiwaling disposisyon? Hindi; isa lang itong pamantayang ginagamit para sukatin ang mga panlabas na pag-uugali ng mga tao. Anong mga pag-uugali? Pangunahin ay ang kanilang pananalita at mga kilos. Halimbawa, ang isang tao ay hindi dapat magsalita kapag kumakain o maging maingay sa pagnguya. Kapag uupo na para kumain, may pagkakasunod-sunod sa kung sino ang unang uupo. Mayroong mga wastong paraan ng pagtayo at pag-upo sa pangkalahatan. Ang lahat ng ito ay mga pag-uugali lang, mga panlabas na pag-uugali lang. Talaga bang handa ang mga tao na sumunod sa mga panuntunang ito? Ano ang iniisip ng mga tao tungkol sa isyu? Ano ang nararamdaman nila tungkol dito? Kapaki-pakinabang ba sa mga tao ang pagsunod sa mga kalunos-lunos na panuntunang ito? May mapapala ba sila sa mga ito na pag-usad sa buhay? Ano ang problema sa pagsunod sa mga kalunos-lunos na panuntunang ito? May kinalaman ba ito sa isyu ng kung may pagbabago ba sa pananaw sa mga bagay-bagay at disposisyon sa buhay ng isang tao? Walang-wala. May kinalaman lang ito sa pag-uugali ng mga tao. May ilan lamang itong hinihingi sa pag-uugali ng mga tao, mga hinihingi na patungkol sa kung aling mga panuntunan ang dapat gawin at sundin ng mga tao. Anuman ang opinyon ng isang tao tungkol sa mga panuntunang ito, at kahit pa kinapopootan at kinamumuhian niya ang mga ito, wala siyang magagawa kundi ang mamuhay nang nakatali sa mga ito dahil sa kanyang pamilya at mga ninuno, at dahil sa panuntunan sa kanilang tahanan. Gayunpaman, walang nagsisiyasat sa kung ano ang partikular na mga opinyon ng mga tao tungkol sa mga panuntunang ito, o kung paano tinitingnan at itinuturing ng mga tao ang mga ito sa kanilang pag-iisip, o ang kanilang pananaw at saloobin sa mga ito. Sapat nang magpakita ka ng mabuting pag-uugali at sumunod sa mga tuntuning ito sa partikular na saklaw na ito. Ang mga gumagawa niyon ay mga disenteng tao. Ang “Maging may pinag-aralan at matino” ay ipinapataw lang ang iba’t ibang hinihingi nito sa pag-uugali ng mga tao. Ginagamit lang ito para limitahan ang pag-uugali ng mga tao, pag-uugaling sumasaklaw sa tindig ng mga tao kapag umuupo at tumatayo, sa mga kilos ng kanilang katawan, sa mga galaw ng mga bahagi ng kanilang katawan na ginagamit sa pandama, sa kung paano dapat ang hitsura ng kanilang mga mata, sa kung paano dapat gumalaw ang kanilang bibig, sa kung paano dapat bumaling ang kanilang ulo, at iba pa. Binibigyan nito ang mga tao ng pamantayan para sa panlabas na pag-uugali, nang walang pakialam kung kumusta ang kanilang pag-iisip, mga disposisyon, at diwa ng kanilang pagkatao. Gayon ang pamantayan ng pagiging may pinag-aralan at matino. Kung natutugunan mo ang pamantayang ito, isa kang taong may pinag-aralan at matino, at kung nagtataglay ka ng mabuting pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino, sa paningin ng iba, isa kang taong dapat pahalagahan at igalang. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Nakatuon ba ang pahayag na ito sa pag-uugali ng tao? (Oo.) Ano ba talaga ang silbi ng pamantayang ito sa pag-uugali? Ang pangunahing silbi nito ay sukatin kung ang isang tao ay disente at kontroladong-kontrolado, kung maaari niyang makamit ang paggalang at pagpapahalaga ng iba sa pakikisalamuha ng mga ito sa kanya, at kung karapat-dapat siyang hangaan. Ang pagsukat sa mga tao sa ganitong paraan ay ganap na hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Wala itong kabuluhan.

Ang ating pagbabahaginan ngayon-ngayon lang ay pangunahing tungkol sa paglilinang sa isang tao, na isa sa mga hinihingi ng pahayag na, “Maging may pinag-aralan at matino.” Ano ang tinutukoy ng “pagiging matino”? (Pagpapakita ng pagkaunawa sa mabubuting ugali at magandang asal.) Medyo mababaw iyan, ngunit isang bahagi iyan. Hindi ba’t ang “pagiging matino” ay nangangahulugan ng pagiging magalang upang tumanggap ng katwiran, upang maging bukas sa katwiran? Maaari ba natin itong palawakin pa? (Oo.) Ang magpakita ng pagkaunawa sa mabubuting ugali at magandang asal, at maging magalang upang tumanggap ng katwiran. Kaya, kung pagsasama-samahin ang lahat ng ito, kung ang isang tao ay nagtataglay ng mga pag-uugaling napapaloob sa “pagiging may pinag-aralan at matino,” paano niya ito mismo ipinakikita sa kabuuan? Nakakita na ba kayo ng isang taong may pinag-aralan at matino? Mayroon bang taong may pinag-aralan at matino sa inyong mga elder at kamag-anak, o sa inyong mga kaibigan? Ano ang kanyang katangi-tanging katangian? Sumusunod siya sa napakaraming patakaran. Napakaingat niya sa kanyang pananalita, na hindi garapal, o magaspang, o mapanakit sa iba. Kapag umuupo siya, umuupo siya nang maayos; kapag tumatayo siya, tumatayo siya nang may magandang tindig. Sa lahat ng aspekto, mukhang pino at matino ang pag-uugali niya sa paningin ng iba, na humahanga at naiinggit kapag nakikita siya. Kapag may nakakatagpo siyang mga tao, iniyuyuko niya ang kanyang ulo at inihihilig ang kanyang katawan, at yumuyukod at nagbibigay-galang siya. Nagsasalita siya nang magalang, mahigpit na sumusunod sa mga tuntunin ng pagiging disente at maayos kapag nasa publiko, hindi siya nagpapakita ng gawi o kagaspangan ng asal na gaya ng mga nasa mababang uri ng lipunan. Sa kabuuan, napapanatag at humahanga ang mga nakakakita sa kanyang panlabas na pag-uugali. Ngunit may isang nakababahalang bagay tungkol dito: Para sa kanya, may mga patakaran para sa lahat ng bagay. May mga patakaran sa pagkain; may mga patakaran sa pagtulog; may mga patakaran sa paglalakad; kahit ang pag-alis sa bahay at pag-uwi ay may mga patakaran. Lubos na napipigilan at hindi mapalagay ang pakiramdam ng taong nakakasama niya. Hindi mo alam kung kailan siya biglang magsasabi ng patakaran, at kung walang-ingat mo itong malalabag, magmumukha kang lubos na padalos-dalos at mangmang, habang magmumukha siyang napakapino. Sadyang napakapino niya kahit sa kanyang pagngiti, na walang nakalabas na ngipin, at sa kanyang pag-iyak, na hindi niya kailanman ginagawa kapag may kaharap na ibang tao, kundi sa ilalim ng kanyang kumot sa kalaliman ng gabi, habang natutulog ang iba. Anuman ang ginagawa niya, may patakaran ito. Iyon ang tinatawag na “pagtuturo.” Namumuhay ang mga gayong tao sa lupain ng kagandahang-asal, sa isang napakalaking pamilya; napakarami nilang patakaran at napakaraming pagtuturo. Paano mo man ito sabihin, ang mabubuting pag-uugaling napapaloob sa pagiging may pinag-aralan at matino ay mga pag-uugali—panlabas na mabubuting pag-uugali na ikinintal sa isang tao ng kapaligiran kung saan siya pinalaki, at unti-unting hinasa sa isang tao ng matataas na pamantayan at mahihigpit na hinihingi na ipinapataw niya sa kanyang sariling pag-uugali. Anuman ang maging impluwensiya ng mga gayong pag-uugali sa mga tao, nauugnay lang ang mga ito sa panlabas na pag-uugali ng tao, at bagamat ang mga gayong panlabas na pag-uugali ay pinaniniwalaan ng tao na mabubuting pag-uugali, mga pag-uugaling pinagsisikapan at sinasang-ayunan ng mga tao, ang mga ito ay iba sa disposisyon ng tao. Gaano man kabuti ang panlabas na pag-uugali ng isang tao, hindi nito mapagtatakpan ang kanyang tiwaling disposisyon; gaano man kabuti ang panlabas na pag-uugali ng isang tao, hindi ito makapapalit sa pagbabago sa kanyang tiwaling disposisyon. Bagamat napakakontrolado ng pag-uugali ng isang taong may pinag-aralan at matino, na lubos na iginagalang at pinapahalagahan ng iba, walang magiging anumang silbi ang mabuting pag-uugali niyang iyon kapag lumabas ang kanyang tiwaling disposisyon. Gaano man karangal at kadunong ang kanyang pag-uugali, kapag may nangyari sa kanya na nauugnay sa mga katotohanang prinsipyo, walang magiging anumang silbi ang mabuting pag-uugali niyang iyon, ni hindi siya nito mauudyukang unawain ang katotohanan—sa halip, dahil naniniwala siya sa kanyang mga kuru-kuro na ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang positibong bagay, itinuturing niya ang bagay na iyon bilang ang katotohanan, na ginagamit niya para sukatin at kuwestyunin ang mga salitang sinasabi ng Diyos. Sinusukat niya ang sarili niyang pananalita at kumikilos siya ayon sa pahayag na iyon, at ito rin ang kanyang pamantayan sa pagsukat sa iba. Tingnan ngayon ang depinisyon ng “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan”—ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ngayon, ang pamantayan ba para sa panlabas na pag-uugali na nangangailangan ng pagiging may pinag-aralan at matino ay may anumang kinalaman sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? (Wala.) Bukod sa hindi magkaugnay ang mga ito—magkasalungat pa ang mga ito. Bakit magkasalungat ang mga iyon? (Ang mga gayong kasabihan ay maghihikayat lang sa mga taong tumuon sa panlabas na mabuting pag-uugali habang binabalewala ang mga layon at tiwaling disposisyon sa loob-loob nila. Ginagawang posible ng mga ito na malihis ang mga tao ng mabubuting pag-uugaling ito at na hindi sila magnilay sa kung ano ang nasa kanilang mga sariling kaisipan at ideya, at nang sa gayon ay hindi nila makita ang kanilang tiwaling disposisyon, at bulag pa ngang kainggitan at sambahin ang iba ayon sa pag-uugali ng mga ito.) Gayon ang mga kahihinatnan ng pagtanggap sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura. Kaya, kapag nakakita ang tao ng paggawa ng mabubuting pag-uugaling ito, pahahalagahan niya ang mga pag-uugaling iyon. Nagsisimula siya sa paniniwalang ang mga pag-uugaling ito ay mga mabuti at positibong bagay, at sa batayan ng pagiging mga positibong bagay ng mga ito, itinuturing niya ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan. Pagkatapos, ginagamit niya ito bilang pamantayan ng kanyang pagpipigil sa sarili at pagsukat sa iba; itinuturing niya itong batayan ng kanyang mga pananaw tungkol sa mga tao at bagay, at habang ginagawa niya ito, itinuturing din niya itong batayan ng kanyang pag-asal at mga kilos. Kung gayon, hindi ba’t salungat ito sa katotohanan? (Salungat nga.) Isasantabi muna natin sa ngayon kung nalilihis ba ng mga tao ang pahayag na dapat may pinag-aralan at matino ang isang tao at tatalakayin natin ang mismong pahayag. “Maging may pinag-aralan at matino”—isa itong sibilisado at marangal na pahayag. Gusto ng lahat ang pahayag na ito, at ginagamit ng tao ang pahayag na ito upang sukatin ang iba at tingnan ang mga tao at bagay, batay sa paniniwala na ito ay tama, mabuti, at isang pamantayan. At habang ginagawa niya iyon, itinuturing din niya itong batayan ng kanyang pag-asal at mga pagkilos. Halimbawa, hindi ibinabatay ng tao ang kanyang pagsukat sa kabutihan ng isang tao sa mga salita ng Diyos. Saan niya ito ibinabatay? “May pinag-aralan at matino ba ang taong ito? Sibilisado ba ang kanyang panlabas na pag-uugali? May lubos na kontrol ba siya sa sarili? Inirerespeto ba niya ang iba? May magandang asal ba siya? May mapagpakumbabang saloobin ba siya kapag nakikipag-usap sa iba? Mayroon ba siyang mabubuting pag-uugali na tulad ng kay Kong Rong nang ipamigay nito ang mas malalaking peras?[a] Ganoong uri ba siya ng tao?” Ano ang batayan niya sa mga tanong at pananaw na ito? Pangunahin itong nakabatay sa pamantayan ng pagiging may pinag-aralan at matino. Tama bang gamitin niya iyon bilang kanyang pamantayan? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Napakasimple ng sagot, ngunit hindi ninyo ito maisip. Dahil hindi ganoon ang pagsukat ng Diyos, at hindi Niya hahayaang maging ganoon ang pagsukat ng tao. Kung ganoon ang pagsukat ng tao, nagkakamali ito. Kung may susukat sa isang tao o pangyayari sa ganitong paraan, kung gagamitin niya itong pamantayan ng kanyang pagtingin sa mga tao at bagay, lalabagin niya ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos. Iyon ang salungatan sa pagitan ng mga tradisyonal na kuru-kuro at ng katotohanan. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Sa ano ipinapabatay ng Diyos sa tao ang mga pagsukat sa iba? Ayon sa ano Niya ipinapatingin sa tao ang mga tao at bagay? (Ayon sa Kanyang mga salita.) Ipinapatingin Niya sa tao ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita. Sa partikular, nangangahulugan ito ng pagsukat sa kung may pagkatao ang isang tao batay sa Kanyang mga salita. Iyon ay bahagi nito. Bukod doon, nakabatay ito sa kung minamahal ng taong iyon ang katotohanan, kung mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, at kung kaya niyang magpasakop sa katotohanan. Hindi ba’t ang mga ito ang mga detalye nito? (Oo.) Kaya, sa ano ibinabatay ng tao ang kanyang mga pagsukat sa kabutihan ng iba? Sa kung sila ay sibilisado at lubos na may kontrol sa sarili, sa kung matunog nilang pinaglalapat ang mga labi nila o may tendensiya silang maghalukay ng mga piraso ng pagkain kapag kumakain sila, sa kung naghihintay silang makaupo ang mga nakatatanda sa kanila bago sila umupo kapag kakain. Ginagamit niya ang mga gayong bagay upang sukatin ang ibang tao. Hindi ba’t ang paggamit sa mga bagay na ito ay paggamit sa pamantayan ng pag-uugali na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino? (Ganoon nga.) Tumpak ba ang mga gayong pagsukat? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? (Hindi.) Malinaw na malinaw na hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan. Ano kung gayon ang kinahihinatnan ng gayong pagsukat sa huli? Naniniwala ang sumusukat na sinumang may pinag-aralan at matino ay mabuting tao, at kung hihimukin mo siyang magbahagi tungkol sa katotohanan, palagi niyang ikikintal sa mga tao ang mga patakaran at turo na pantahanan, at ang mabubuting pag-uugaling iyon. At ang kahihinatnan sa huli ng kanyang pagkintal ng mga bagay na ito sa mga tao ay na aakayin niya ang mga tao tungo sa mabubuting pag-uugali, ngunit hindi man lang magbabago ang tiwaling diwa ng mga taong iyon. Ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay napakalayo sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Nagtataglay lang ang mga gayong tao ng ilang mabuting pag-uugali. Kaya, mababago ba ang mga tiwaling disposisyon sa loob-loob nila dahil sa mabuting pag-uugali? Matatamo ba nila ang pagpapasakop at katapatan sa Diyos? Talagang hindi. Ano ang nangyari sa mga taong ito? Sila ay naging mga Pariseo, na mayroon lang panlabas na mabuting pag-uugali ngunit hindi talaga nauunawaan ang katotohanan, at hindi makapagpasakop sa Diyos. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Tingnan ang mga Pariseo—hindi ba’t walang maipipintas sa panlabas na hitsura nila? Ipinangingilin nila ang Araw ng Sabbath; sa Araw ng Sabbath, wala silang ginagawa. Sila ay magalang magsalita, lubos na may kontrol sa sarili at sumusunod sa patakaran, lubos na nalinang, napakasibilisado at edukado. Dahil magaling silang magbalatkayo at hindi talaga sila natatakot sa Diyos, bagkus ay hinusgahan at kinondena nila ang Diyos, isinumpa sila ng Diyos sa huli. Tinukoy ng Diyos na sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo, na pawang mga taong gumagawa ng masama. Gayundin, ang uri ng mga taong ginagamit ang mabuting pag-uugaling may pinag-aralan at matino bilang pamantayan ng kanilang asal at kilos ay malinaw na hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. Kapag ginagamit nila ang patakarang ito upang sukatin ang iba, at upang umasal at kumilos, siyempre, hindi nila hinahangad ang katotohanan; at kapag hinuhusgahan nila ang isang tao o bagay, ang pamantayan at batayan ng paghusgang iyon ay hindi nakaayon sa katotohanan, bagkus ay labag dito. Ang tanging pinagtutuunan nila ay ang pag-uugali, mga gawi ng isang tao, hindi ang kanyang disposisyon at diwa. Ang kanilang batayan ay hindi ang mga salita ng Diyos, hindi ang katotohanan; sa halip, nakabatay ang kanilang mga pagsukat sa pamantayang ito ng pag-uugali sa tradisyonal na kultura na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino. Ang resulta ng gayong pagsukat ay na para sa kanila, mabuti at naaayon sa mga layunin ng Diyos ang isang tao basta’t ang taong iyon ay may gayong panlabas na mabubuting pag-uugali na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino. Kapag gumagamit ang mga tao ng mga gayong pagkaklasipika, malinaw na sumasalungat sila sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. At kapag mas ginagamit nila ang pamantayang ito sa pag-uugali upang tingnan ang mga tao at bagay, at upang umasal at kumilos, ang kinahihinatnan nito ay lahat sila ay lalong nalalayo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kahit ganoon, nasisiyahan sila sa ginagawa nila at naniniwala silang hinahangad nila ang katotohanan. Sa pagtataguyod sa ilan sa mabubuting pahayag ng tradisyonal na kultura, naniniwala silang itinataguyod nila ang katotohanan at ang tunay na daan. Subalit gaano man nila sinusunod at iginigiit ang mga bagay na iyon, sa huli ay hindi sila magkakaroon ng anumang karanasan o pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at hindi rin sila magpapasakop sa Diyos kahit papaano. Lalong hindi ito makapagdudulot ng tunay na takot sa Diyos. Iyon ang nangyayari kapag itinataguyod ng mga tao ang anuman at lahat ng gayong mabubuting pag-uugali na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino. Kapag mas tumutuon ang tao sa mabuting pag-uugali, sa pagsasabuhay nito, sa paghahangad nito, mas napapalayo siya sa mga salita ng Diyos—at kapag mas malayo ang tao sa mga salita ng Diyos, mas hindi niya nauunawaan ang katotohanan. Malamang na ito nga ang mangyari. Kung bumuti ang pag-uugali ng isang tao, nangangahulugan ba iyon na nagbago na ang kanyang disposisyon? Mayroon ba kayong ganitong karanasan? Kahit kailan ba ay hindi ninyo namalayan na hinangad ninyo na maging mga taong may pinag-aralan at matino? (Oo.) Iyan ay dahil nauunawaan ng lahat na sa pagiging isang taong may pinag-aralan at matino, magmumukha siyang lubos na kagalang-galang at marangal. Labis siyang hinahangaan ng iba. Ganoon iyon, hindi ba? (Oo.) Kaya, hindi naman dapat na maging masama ang magtaglay ng mabubuting pag-uugaling ito. Ngunit malulutas ba ng pagkakaroon ng mabubuting pag-uugaling ito, ng mabubuting pagpapakitang ito, ang tiwaling disposisyon ng tao? Mapipigilan ba nito ang mga taong gumawa ng masasamang bagay? Kung hindi, anong silbi ng gayong mabubuting pag-uugali? Maganda lang itong tingnan; wala itong silbi. Makapagpapasakop ba sa Diyos ang mga taong may gayong mabuting pag-uugali? Matatanggap at maisasagawa ba nila ang katotohanan? Malinaw na hindi. Hindi mapapalitan ng mabuting pag-uugali ang pagsasagawa ng tao sa katotohanan. Katulad lang ito ng sa mga Pariseo. Maganda ang pag-uugali nila, at napakarelihiyoso nila, ngunit paano nila tinrato ang Panginoong Jesus? Walang makaiisip na magagawa nilang ipako sa krus ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Kaya, nasa panganib ang mga mayroon lang panlabas na mabubuting pag-uugali ngunit hindi nakamit ang katotohanan. Maaaring magpatuloy sila na gaya ng dati, nilalabanan at pinagtataksilan ang Diyos. Kung hindi mo ito malinaw na makikita, maaaring malihis ka na naman ng mabuting pag-uugali ng mga tao.

Ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang tradisyonal na kuru-kuro ng tao. Ganap na hindi ito naaayon sa katotohanan. Dahil salungat ito sa katotohanan, ano ang mismong dapat taglayin ng tao kung isasagawa niya ang katotohanan? Anong realidad ang kapag isinabuhay ay aayon sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos? Alam ba ninyo? Sa gayong pagbabahaginan, maaaring sabihin ng ilan, “Sinasabi Mong ang pagiging may pinag-aralan at matino ay hindi naaayon sa katotohanan, na isa lang itong panlabas na mabuting pag-uugali. Kaya, hindi na lang kami magiging mga taong may pinag-aralan at matino. Mas magiging malaya ang buhay, nang walang anumang limitasyon, hindi napipigilan ng anumang patakaran. Magagawa namin ang gusto namin, makapamumuhay sa paraang gusto namin. Magiging napakalaya namin kung ganoon! Mas malaya na kami ngayon, dahil walang kaugnayan ang mabuting pag-uugali ng tao sa kanyang kahihinatnan. Hindi namin kailangang intindihin ang paglilinang, mga patakaran, o anumang tulad niyon.” Iyon ba ang dapat mong mapagtanto mula rito? (Hindi.) Isa itong baluktot na pagkaunawa; mali na nagmamalabis sila. Mayroon bang sinumang gagawa ng gayong pagkakamali? Maaaring may ilan na nagsasabing, “Dahil ang mga nalinang na tao ay maaari pa ring labanan at pagtaksilan ang Diyos, hindi na lang ako magiging nalinang na tao. Nagsisimula na akong makadama ng pagkasuklam sa mga nalinang na tao. Kinamumuhian ko ang mga may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, na ipinagpipitagan ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, ang mga magiliw. Hinahamak ko ang sinumang nakikita kong nagpapakita ng mga bagay na ito, at pinagagalitan ko sila sa harap ng publiko: Ang pag-uugali mo ay gaya ng sa mga Pariseo. Nilalayon nitong ilihis ang iba. Hindi ito paghahangad sa katotohanan, lalong hindi ito pagsasagawa sa katotohanan. Huwag mo na kaming subukang lansihin—hindi mo kami malilinlang o malalansi!” Kikilos ba kayo nang ganoon? (Hindi.) Tama lang na hindi. Mangangahulugan na ikaw ay isang taong madaling mabaluktot kung gagawa kayo ng isang bagay na lubos na walang katuturan. Ang ilang taong may baluktot na pag-unawa ay walang dalisay na pagkaunawa sa katotohanan—wala silang kakayahan na makaunawa. Ang tanging nagagawa nila ay sumunod sa mga patakaran, kaya ganoon sila kumikilos. Kung gayon, bakit natin pinagbabahaginan at hinihimay ang problemang ito? Pangunahing para maipaunawa sa mga tao na ang paghahangad sa katotohanan ay hindi paghahangad sa panlabas na mabuting pag-uugali, ni hindi nito nilalayon na gawin kang taong maayos ang asal, lubos na may kontrol sa sarili, at nalinang. Bagkus, nilalayon nitong maunawaan, isagawa mo ang katotohanan, at magawa mong kumilos batay sa katotohanan, ibig sabihin, ang lahat ng gagawin mo ay nakabatay sa mga salita ng Diyos, na lahat ito ay naaayon sa katotohanan. Ang mga pag-uugaling umaayon sa katotohanan at nakabatay sa mga salita ng Diyos ay hindi pareho ng pagiging may pinag-aralan at matino, ni hindi ito pareho sa mga pamantayang hinihingi sa tao ng tradisyonal na kultura at tradisyonal na moralidad. Magkaiba ang dalawang bagay na ito. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang mga ito lang ang pamantayan sa pagsukat ng kabutihan at kasamaan ng tao, at ng kanyang tama at mali. Sa kabilang banda, ang pamantayan ng tradisyonal na kultura ng pagiging may pinag-aralan at matino ay malayong-malayo sa pamantayan ng mga katotohanang prinsipyo. Sa aling yugto ng gawain sinabi ng Diyos sa iyo na dapat kang maging taong may pinag-aralan at matino, isang taong nalinang at marangal nang walang anumang mababang-uring interes? May sinabi bang ganoon ang Diyos? (Wala.) Wala Siyang sinabing ganoon. Kung gayon, ano ang pahayag at hinihingi ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao? Umasal at kumilos kayo nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ano, kung gayon, ang batayang iyon ng mga salita ng Diyos? Iyon ay kung aling mga katotohanan ang dapat ninyong gamitin bilang mga pamantayan ninyo, at anong uri ng buhay ang dapat ninyong ipamuhay nang sa gayon ay hinahangad at isinasagawa ninyo ang katotohanan? Hindi ba’t isa itong bagay na nararapat maunawaan? (Ganoon nga.) Kung gayon, ano ang mga pamantayan ng hinihingi ng mga salita ng Diyos sa pag-uugali ng tao? Maaari ba kayong maghanap ng Kanyang mga salita na nililinaw ito? (Sabi ng mga salita ng Diyos: “Napakarami Kong inaasahan. Umaasa Akong makakikilos kayo sa isang wasto at maayos na paraan, matapat na gagampanan ang inyong tungkulin, magtataglay ng katotohanan at pagkatao, magiging mga tao na matatalikdan ang lahat ng taglay nila at maging ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at iba pa. Nagmumula ang lahat ng pag-asang ito sa inyong mga kakulangan at sa inyong katiwalian at paghihimagsik” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno).) Ang lahat ng salitang iyon ay mga prinsipyo at hinihingi sa pag-asal ng tao. Kaya, ano ang iba pang salita ng Diyos na nauugnay sa partikular na pagsasagawa? (May isa pang sipi na nagsasabing: “Dapat ay palaging nasa tahimik na kalagayan ang puso mo, at kapag may nangyari sa iyo, hindi ka dapat magpadalos-dalos, magkaroon ng pagkiling, maging matigas ang ulo, radikal, artipisyal, o huwad, upang magawa mong kumilos nang may katwiran. Ito ang tamang pagpapamalas ng normal na katauhan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon).) Medyo partikular na pagsasagawa iyon. Iyon ay mga partikular na pagtatakda at hinihingi para sa panlabas na pag-uugali at mga gawi ng tao. Maituturing ba ang mga iyon bilang batayan ng mga salita ng Diyos? Sapat na ba ang pagiging partikular ng mga ito? (Oo.) Basahin ninyong muli ang mga ito. (“Dapat ay palaging nasa tahimik na kalagayan ang puso mo, at kapag may nangyari sa iyo, hindi ka dapat magpadalos-dalos, magkaroon ng pagkiling, maging matigas ang ulo, radikal, artipisyal, o huwad, upang magawa mong kumilos nang may katwiran. Ito ang tamang pagpapamalas ng normal na katauhan.”) Bigyang pansin ang mga aytem na iyon; ang mga iyon ang mga prinsipyong dapat ninyong itaguyod kapag kumilos kayo sa hinaharap. Sinasabi ng mga ito sa mga tao na dapat silang matuto na makatwirang harapin ang mga bagay-bagay sa kanilang mga asal at kilos, at dagdag pa rito, dapat magawa nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo nang batay sa pagkilos nang may konsensiya at katwiran. Umasal at kumilos ka nang ganito, at magkakaroon ka ng mga prinsipyo, pati na landas ng pagsasagawa.

Iyong ilang bagay na pinag-usapan natin: “Kapag may nangyari sa iyo, hindi ka dapat magpadalos-dalos, magkaroon ng pagkiling, maging matigas ang ulo, radikal, artipisyal, o huwad, upang magawa mong kumilos nang may katwiran”—madali bang gawin ang mga bagay na ito? Talagang kayang gawin ang lahat ng ito matapos ang isang panahon ng pagsasanay. Kung may isang taong tunay na hindi makagawa sa mga ito, ano ang dapat gawin? Magiging ayos lang ito, basta’t gagawin mo lang ang isang bagay, ibig sabihin, kapag nahaharap ka sa isang isyu o nakikisalamuha ka sa iba, kahit papaano, may isang bagay na dapat itaguyod: Dapat kang umasal at kumilos sa paraang nakakapagpatibay sa iba. Ito ang pinakabatayang punto. Kung isasagawa at susundin mo ito, nang ayon dito at nang ito ang iyong pamantayan, sa pangkalahatan ay hindi ka magdudulot ng anumang malaking pinsala sa iba, at hindi ka rin mawawalan nang malaki. Umasal at kumilos ka sa paraang nkakapagpatibay sa iba—mayroon ba iyong mga detalye? (Mayroon.) Huwag mong ibatay ang iyong pansariling kasiyahan sa pinsala sa mga interes ng ibang tao; huwag mong itatag ang iyong kaligayahan at kagalakan sa ibabaw ng pagdurusa ng ibang tao. Iyan ang ibig sabihin ng magpatibay. Ano ang pinakabatayang paraan para maunawaan ang pagpapatibay? Nangangahulugan ito na dapat katanggap-tanggap ang pag-uugali mo sa ibang tao, ayon sa pagsukat ng konsensiya at katwiran ng pagkatao; dapat ay nakaayon ito sa konsensiya at katwiran ng pagkatao. Hindi ba’t ang sinumang may normal na pagkatao ay maipamumuhay ito? (Ganoon nga.) Sabihin nang may isang taong nagpapahinga sa silid, at pumasok ka roon nang walang pakialam sa paligid mo, at nagsimula kang kumanta at magpatugtog ng musika. Katanggap-tanggap ba iyon? (Hindi.) Hindi ba’t pagtatatag iyon ng katuwaan at kasiyahan mo sa ibabaw ng pagdurusa ng iba? (Ganoon nga.) Kung ang isang tao ay nasa gitna ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at basta mo na lang talakayin sa kanya ang sarili mong mga isyu, pagrespeto ba iyon sa kanya? Hindi ba’t hindi iyon nakapagpapatibay sa kanya? (Hindi nga.) Ano ang ibig sabihin ng hindi nakapagpapatibay? Sa pinakamababa, nangangahulugan ito na wala kang respeto sa iba. Hindi mo dapat antalahin ang pananalita o mga kilos ng iba. Hindi ba’t isang bagay iyon na kayang magawa ng normal na pagkatao? Kung ni hindi mo magawa iyon, wala ka talagang konsensiya o katwiran. Makakamit ba ng mga walang konsensiya o katwiran ang katotohanan? Hindi. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay isang bagay na tanging ang mga may konsensiya at katwiran, kahit papaano, ang makagagawa, at kung hahangarin mo ang katotohanan, kahit papaano ay dapat nakaayon ka sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran sa iyong pananalita at mga kilos; dapat katanggap-tanggap ka para sa mga tao na nasa paligid mo, at dapat pumasa ka sa pamantayan ng lahat. Katulad ito ng kasasabi pa lang natin: Kahit papaano, hayaan ang iyong mga kilos na magmukhang disente para sa iba at maging nakapagpapatibay para sa kanila. Ang pagiging nakapagpapatibay ba ay pareho sa pagiging kapaki-pakinabang sa iba? Hindi, sa katunayan—ang maging nakapagpapatibay ay ang igalang ang espasyo ng iba, at hindi sila gambalain, antalahin, o panghimasukan; ito ay hindi ang hayaan silang mapinsala o makaramdam ng pagdurusa dahil sa iyong pag-uugali. Iyon ang ibig sabihin ng maging nakapagpapatibay. Paano ninyo ito nauunawaan? Ang pagiging nakapagpapatibay ay hindi tungkol sa kung gaano ka kapaki-pakinabang sa iba; ito ay tungkol sa kanilang kakayahang mapakinabangan ang mga interes at karapatang nararapat na kanila, nang hindi naaabala sa paggamit ng mga ito at napagkakaitan ng mga ito ng iyong pagiging matigas ang ulo at ng iyong hindi wastong pag-uugali. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) May alam na kayo ngayong ilang salita ng Diyos na may kinalaman sa Kanyang mga hinihingi para sa asal at mga kilos ng tao, ngunit sinasabi Ko pa rin sa inyo, ang pinakapundamental na bagay ay na dapat nakapagpapatibay sa iba ang iyong asal at mga kilos. Iyon ang prinsipyo para sa pagkilos. Naunawaan mo na ba kung ano ang ibig sabihin ng nakapagpapatibay? (Oo.) May ilan na hindi iniisip kung napapatibay ba ng kanilang pananalita at kilos ang ibang tao, ngunit sinasabi nilang sila ay mga taong may pinag-aralan at matino. Hindi ba’t panloloko iyon? Ang pagiging nakapagpapatibay sa iba sa asal at kilos—hindi ba’t may aral na dapat matutunan mula roon? Maaaring isa itong pagpapakita ng pag-uugali, ngunit madali ba itong maisakatuparan? Kung nauunawaan ng isang tao ang kaunting katotohanan, malalaman niya kung paano kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, kung paano kumilos sa paraang nakapagpapatibay sa iba, at kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa iba. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya malalaman kung ano ang gagawin; makakikilos lang siya nang umaasa sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi kailanman hinahanap ng ilang tao ang katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay, anuman ang mangyari sa kanila. Kumikilos lang sila ayon sa kanilang mga kagustuhan, nang walang pakialam kung ano ang nararamdaman ng iba dahil dito. May mga prinsipyo ba sa gayong pagkilos? Dapat magawa ninyong makita kung mayroong mga prinsipyo roon, hindi ba? Lahat kayo ay madalas na nagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos; kung talagang nakauunawa kayo ng kaunting katotohanan, makapagsasagawa at makapag-aasikaso kayo ng ilang gawain nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang nararamdaman mo sa gayong pagsasagawa? Ano ang nararamdaman dito ng iba? Kung pagsisikapan mong damahin iyon, malalaman mo kung anong uri ng pagsasagawa ang nakapagpapatibay sa iba. Karaniwan, kapag may nangyayari sa inyo, anuman ito, hindi ninyo pinag-iisipan ang mga totoong isyu ng kung paano kumilos sa paraang nauugnay sa normal na pagkatao o sa pagsasagawa sa katotohanan. Kaya, kapag may nangyayari sa inyo, kung may magtatanong sa inyo kung anong uri ng pagsasagawa o kilos ang makapagpapatibay sa iba, mahihirapan kayong sumagot, na para bang walang malinaw na landas. Ang pawang ibinabahagi Ko sa mga pagtitipon ay ang mga problemang ito sa totoong buhay, ngunit kapag nahaharap kayo sa mga ito, hindi kayo kailanman nakasasabay at palaging nabablangko ang isip ninyo. Hindi ba’t may kakulangan dito? (Mayroon nga.) Ano, kung gayon, ang nakamit ninyo sa inyong pananalig sa Diyos? Kaunting doktrina, kaunting salawikain lamang. Kayo ay salat na salat at labis na nakakaawa!

Sa isa sa mga tinalakay natin na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti—ang pagiging may pinag-aralan at matino—mayroong ilan sa mga partikular na kuru-kuro at imahinasyon ng tao, pati na ilang tradisyonal na paraan ng pag-unawa ng tao sa pag-uugaling ito. Sa madaling salita, kung titingnan ngayon ang pagpapakitang ito ng pag-uugali, makikita nating wala itong kaugnayan sa katotohanan o sa tunay na pagkatao. Ito ay dahil napakalayo nito sa katotohanan at ibang-iba ito sa katotohanan, at higit pa roon, ang gayong pag-uugali ay talagang hindi naaayon sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa mga pananaw ng tao sa mga tao at bagay, pati sa kanyang asal at kilos, kung saan ganap itong hindi tugma at walang kaugnayan. Pag-uugali lang ito ng tao. Gaano man kahusay na ipinapakita ng tao ang gayong pag-uugali, at gaano man kaayos ang kanyang pagsasagawa rito, isa lang itong uri ng pag-uugali. Ni hindi ito kwalipikado bilang tunay na normal na pagkatao. Ang pahayag na dapat may pinag-aralan at matino ang isang tao ay paraan lang upang pagandahin ang presentasyon ng panlabas na pag-uugali ng tao. Upang maipresenta nang mabuti at mapaganda ang imahe ng sarili, nagsisikap nang husto ang tao na maging isang taong may pinag-aralan at matino, nang sa gayon ay makuha niya ang paghanga at paggalang ng iba, at mapataas ang kanyang posisyon at halaga sa kanyang grupo. Ngunit sa katunayan, ni hindi umaabot ang gayong pag-uugali sa antas ng moralidad, integridad, at dignidad na dapat taglay ng tunay na tao. Ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang pahayag na nagmumula sa tradisyonal na kultura, at isa itong katipunan ng mga pagpapakita ng pag-uugali na tinukoy ng tiwaling sangkatauhan para sa sarili nito bilang isang bagay na pinaniniwalaan nito na dapat itaguyod. Layon ng mga pagpapakitang ito ng pag-uugali na pataasin ang katayuan ng isang tao sa kanyang grupo at pataasin ang kanyang halaga, nang sa gayon ay makuha niya ang paggalang ng iba at siya ang maging pinakamalakas sa lahat, isang taong hindi manganganib na kamuhian o apihin sa kanyang grupo. Wala talagang kinalaman ang panlabas na pag-uugaling ito sa moralidad o kalidad ng pagkatao, ngunit masyado itong pinapahalagahan at binibigyang importansya ng tao. Tingnan mo kung gaano kalaking panlilinlang iyon! Samakatuwid, kung ang kasalukuyan mong paghahangad ay ang maging isang taong may pinag-aralan at matino, at kinokontrol mo ang iyong pag-uugali, nagsisikap nang husto sa iyong paghahangad at pagsasagawa sa mithiing maging may pinag-aralan at matino, hinihimok kitang itigil ito kaagad. Ang mga gayong pag-uugali at pamamaraan ay magiging dahilan lang para lalo kang magbalatkayo at maging mapagpaimbabaw, at habang nangyayari iyon, lalo kang malalayo sa pagiging isang matapat na tao, isang simple at bukas na tao. Habang mas nagsisikap kang maging isang taong may pinag-aralan at matino, mas lalo kang magbabalatkayo, at habang mas nagbabalatkayo ka—habang mas lumalalim ang iyong pagbabalatkayo, mas mahihirapan ang iba na sukatin o unawain ka, at mas malalim na makukubli ang iyong tiwaling disposisyon. Kapag ginawa mo iyon, magiging napakahirap na makamit ang pagtanggap sa katotohanan at kaligtasan. Kaya, batay sa mga puntong ito, ang daan ba ng paghahangad na maging isang taong may pinag-aralan at matino ay pareho sa daan ng paghahangad sa katotohanan? Ito ba ang wastong paghahangad? (Hindi.) Hindi ba’t mayroong higit na panlilinlang sa iba at sa sarili sa likod ng pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino, na iba pa sa negatibong diwa at mga negatibong resulta nito? (Mayroon.) Ang isang taong may pinag-aralan at matino ay maraming kahindik-hindik na bagay na inililihim, at higit pa sa mga iyon, nagtatago siya ng lahat ng uri ng mga maling kaisipan, kuru-kuro, pananaw, saloobin, at ideya na hindi alam ng iba, na nakaririmarim, di-kanais-nais, masama, at kamuhi-muhi para sa ibang tao. Nagkukubli sa likod ng mabuting pag-uugali ng isang taong may pinag-aralan at matino ang kanyang mas tiwaling disposisyon. Ang gayong tao, sa likod ng pagpapakitang iyon ng pag-uugali, ay walang tapang na harapin ang kanyang tiwaling disposisyon, wala rin siyang lakas ng loob na aminin ang kanyang tiwaling disposisyon. Lalong wala siyang tapang at lakas ng loob na magtapat tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon, baluktot na kaalaman, masasamang kaisipan, layunin, at mithiin—o maging sa kanyang mga mapaminsalang pag-iisip na puno ng lason. Napakarami niyang itinatago, at walang nakakakita ng mga ito; ang nakikita lang ng mga tao ay ang diumano’y “mabuting tao” na nasa harapan nila, na mayroong mabuting pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino. Hindi ba’t panlilinlang ito? (Oo.) Ang kabuuan ng pag-uugali, pagganap, paghahangad, at diwa ng taong iyon ay isang panlilinlang. Nililinlang niya ang iba, at nililinlang niya ang kanyang sarili. Ano ang magiging kahihinatnan ng gayong tao sa huli? Para maging isang taong may pinag-aralan at matino, tinalikdan niya ang Diyos, tinalikuran niya ang tunay na daan, at itinataboy siya ng Diyos. Sa bawat tagong sulok sa likod ng mabuting pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino, itinatago ng tao ang kanyang mga diskarte at gawi ng pagbabalatkayo at panlilinlang, at habang ginagawa niya ito, itinatago niya ang kanyang mga disposisyon na mapagmataas, buktot, tutol sa katotohanan, malupit, at mapagmatigas. Kaya, kapag mas may pinag-aralan at matino ang isang tao, mas mapanlinlang siya, at kapag mas sinisikap ng isang tao na maging taong may pinag-aralan at matino, mas hindi niya minamahal ang katotohanan, at mas lalo siyang nagiging isang tao na tutol sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Sa ngayon, tatapusin natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa mabuting pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino.

Ngayon-ngayon lang, pinagbahaginan natin ang tungkol sa isang pahayag tungkol sa mabuting pag-uugali sa tradisyonal na kultura: pagiging may pinag-aralan at matino. Hindi natin isa-isang pagbabahaginan ang iba pa. Sa kabuuan, ang lahat ng pahayag tungkol sa mabuting pag-uugali ay isang paraan lang upang ipresenta nang maganda ang panlabas na pag-uugali at imahe ng tao. Ang “ipresenta nang maganda” ay pinagandang pananalita; sa mas tumpak na pananalita, ang totoo ay isa itong uri ng pagbabalatkayo, isang paraan ng pagkukunwari para lansihin ang iba na magkaroon ng positibong pagtingin sa kanilang sarili, upang lansihin silang magkaroon ng mga positibong pagsusuri sa kanilang sarili, upang lansihin silang igalang ang kanilang sarili, samantalang ang madilim na bahagi ng puso ng isang tao, ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at ang kanyang tunay na mukha ay pawang nakatago at nakakubli. Maaari din nating ipaliwanag ito nang ganito: Ang nakatago sa ilalim ng sinag ng mabubuting pag-uugaling ito ay ang mga tiwaling tunay na pagkatao ng bawat miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakatago ay ang bawat miyembro ng masamang sangkatauhan na may mapagmataas na disposisyon, mapanlinlang na disposisyon, malupit na disposisyon, at disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Hindi mahalaga kung ang panlabas na pag-uugali ng isang tao ay may pinag-aralan at matino, o malumanay at pino, o kung siya man ay magiliw, madaling lapitan, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, o anuman—alinman sa mga ito ang ipinapakita niya, panlabas na pag-uugali lang ito na nakikita ng iba. Hindi siya nito maaakay tungo sa mabuting pag-uugali hanggang sa pagkakilala sa kanyang kalikasang diwa. Bagamat magandang tingnan ang tao na may panlabas na pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, madaling lapitan, at magiliw, kaya ang buong mundo ay maganda ang impresyon sa kanya, hindi maitatangging talagang umiiral ang mga tiwaling disposisyon ng tao sa likod ng mabubuting pag-uugaling ito. Ang pagiging tutol ng tao sa katotohanan, ang kanyang paglaban at pagrerebelde sa Diyos, ang kanyang kalikasang diwa ng pagiging tutol sa mga salitang sinasabi ng Lumikha, at ng paglaban sa Lumikha—tunay na umiiral ang mga ito roon. Walang hindi totoo roon. Gaano man kahusay magpanggap ang isang tao, gaano man kapresentable o kaangkop ang kanyang mga pag-uugali, gaano man kabuti o kaganda niya pagmukhain ang kanyang sarili, o gaano man siya kamapanlinlang, hindi maikakaila na ang bawat tiwaling tao ay puno ng satanikong disposisyon. Sa likod ng maskara ng panlabas na pag-uugaling ito, lumalaban at naghihimagsik pa rin siya sa Diyos, lumalaban at naghihimagsik sa Lumikha. Siyempre, gamit ang mabubuting pag-uugaling ito bilang pantabing at pangkubli, naglalabas ang sangkatauhan ng mga tiwaling disposisyon sa bawat araw, oras at sandali, sa bawat minuto at segundo, sa bawat kaganapan, kung kailan namumuhay sila sa gitna ng mga tiwaling disposisyon at kasalanan. Isa itong hindi maitatangging katunayan. Sa kabila ng mga presentableng pag-uugali, kasiya-siyang salita, at huwad na panlabas ng tao, hindi man lang nabawasan ang kanyang tiwaling disposisyon, ni hindi man lang ito nagbago dahil sa mga panlabas niyang pag-uugaling iyon. Sa kabaligtaran, dahil nakukubli siya ng mga panlabas na mabubuting pag-uugaling ito kaya palaging lumalabas ang kanyang tiwaling disposisyon, at hindi siya kailanman tumitigil sa paghakbang tungo sa paggawa ng masama at paglaban sa Diyos—at siyempre pa, dahil napangingibabawan siya ng kanyang malulupit at mga buktot na disposisyon, tuloy-tuloy na lumalawak at lumalago ang kanyang mga ambisyon, pagnanasa, at labis-labis na hinihingi. Sabihin mo sa Akin, nasaan ang taong magalang, magiliw, at madaling lapitan na ang imaheng ipinamumuhay at ang batayan ng kanyang asal at mga kilos ay positibo at naaayon sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan? Nasaan ang taong may pinag-aralan, matino, malumanay, at pino na nagmamahal sa katotohanan, na handang hanapin sa mga salita ng Diyos ang direksyon at mithiin ng kanyang buhay, na nag-ambag sa kaligtasan ng sangkatauhan? May mahahanap ka bang ganoong tao? (Wala.) Ang totoo, sa sangkatauhan, kapag mas may kaalaman ang isang tao; kapag mas may pinag-aralan siya; at kapag mas mayroon siyang mga ideya, katayuan, at reputasyon—bagamat maaaring matawag siyang isang taong may pinag-aralan at matino, magiliw, at madaling lapitan—mas maaaring makalihis ng mga tao ang mga pahayag na isinusulat niya, at mas marami siyang nagagawang kasamaan, at mas matindi ang kanyang paglaban sa Diyos. Ang mga may mas mataas na reputasyon at katayuan ay mas lalong nalilihis ng iba, at mas matindi ang paglaban nila sa Diyos. Tingnan sa buong sangkatauhan ang mga sikat na tao, mga dakilang tao, mga intelektuwal, tagapagturo, manunulat, rebolusyonaryo, mahusay na politiko, o ang sinumang matagumpay sa isang larangan—sino sa kanila ang walang pinag-aralan at hindi matino, hindi madaling lapitan, at hindi magiliw? Sino sa kanila ang hindi kumilos sa panlabas sa paraang nakakuha ng papuri ng iba at karapat-dapat sa paggalang ng iba? Subalit, sa katunayan, ano ba ang naiambag nila sa sangkatauhan? Naakay ba nila ang sangkatauhan sa tamang landas, o nailigaw ba nila ito? (Nailigaw.) Naakay ba nila ang sangkatauhan sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, o naakay ba nila ito sa paanan ni Satanas? (Sa paanan ni Satanas.) Hinayaan ba nilang makibahagi ang sangkatauhan sa kataas-taasang kapangyarihan, pagtustos, at patnubay ng Lumikha, o hinayaan ba nila itong harapin ang pagyurak, pagmamalupit, at pang-aabuso ni Satanas? Sa lahat ng bayani, tanyag, dakila, mataas ang katayuan, pambihira, at makapangyarihang tao sa kasaysayan, alin sa kanilang awtoridad at katayuan ang hindi nakamit mula sa pagpatay ng milyon-milyong tao? Alin sa kanilang reputasyon ang hindi nakamit mula sa kanilang panlilinlang, panlilihis, at panghihimok sa sangkatauhan? Sa panlabas, mukha silang madaling lapitan sa kanilang pang-araw-araw na pakikisalamuha sa iba, at napakagaan nilang kasama, tinatrato nila ang iba bilang kanilang kapantay at magiliw sila sa kanilang pananalita—ngunit ibang-iba ang ginagawa nila kapag walang nakakakita sa kanila. Nagpapakana ang ilan sa kanila na mambitag ng iba; ang ilan ay nanlalansi upang atakihin at pinsalain ang iba; ang iba ay naghahanap ng mga pagkakataong makapaghiganti. Sa napakaraming pagkakataon, karamihan ng mga politiko ay malupit at mapaminsala sa mga tao. Nakuha nila ang kanilang katayuan at impluwensiya sa pamamagitan ng panunupil at pananamantala sa napakaraming tao, subalit sa mga pampublikong lugar, sila ay mukhang madaling lapitan at may magiliw na pag-uugali. Ang nakikita ng mga tao ay ang kanilang imaheng malumanay at pino, may pinag-aralan at matino, at mapagkumbaba. Sa panlabas, sila ay magalang at malumanay at pino, ngunit sa likod niyon, pumapatay sila ng napakaraming tao, kinakamkam ang mga ari-arian ng napakaraming tao, pinangingibabawan at pinaglalaruan ang napakaraming tao. Magagandang salita ang sinasabi nila ngunit masasamang bagay ang ginagawa nila, at nagsesermon sila mula sa kanilang entablado, nang walang kahihiyan at pakundangan, tinuturuan nila ang iba kung paano maging mga taong madaling lapitan, may pinag-aralan at matino, kung paano maging mga taong nag-aambag sa bansa at sa sangkatauhan, kung paano maglingkod sa mga tao at maging mga tagapaglingkod ng publiko, kung paano ilaan ang sarili sa bansa. Hindi ba’t kawalang kahihiyan iyon? Silang lahat ay makapal ang mukha at suwapang! Sa madaling salita, ang pagiging isang taong may mabuting pag-uugali na tumatalima sa tradisyunal na mga kuru-kuro ng moralidad ay hindi paghahangad sa katotohanan; hindi ito paghahangad na maging tunay na nilalang. Bagkus, maraming madilim at di-mababanggit na lihim ang nakatago sa likod ng paghahangad sa mabubuting pag-uugaling ito. Anumang uri ng mabuting pag-uugali ang hinahangad ng tao, ang mithiin sa likod nito ay walang iba kundi para magustuhan at igalang sila ng mas maraming tao, para mapataas ang sarili niyang katayuan, at para isipin ng mga tao na kagalang-galang siya at karapat-dapat sa tiwala at atas. Kung hahangarin mong maging taong gayon kabuti ang pag-uugali, hindi ba’t ganito rin ang katangian ng mga tanyag at dakila? Kung isa kang taong may mabuting pag-uugali lamang, ngunit hindi minamahal ang salita ng Diyos at hindi tinatanggap ang katotohanan, magkapareho lamang kayo ng katangian. At ano ang resulta? Ang natalikuran mo ay ang katotohanan; ang nawala sa iyo ay ang pagkakataon mong maligtas. Ito ang pinakahangal na pag-uugali—ito ay pasya at hangarin ng isang hangal. Pinangarap na ba ninyo na kayo ay maging dakila, tanyag, kahanga-hangang tao sa entablado, na napakatagal na ninyong hinahangaan? Ang taong iyon na magiliw at madaling lapitan? Ang taong iyon na magalang, malumanay at pino, may pinag-aralan at matino? Ang taong iyon na sa tingin ay mukhang palakaibigan at kaibig-ibig? Nakasunod at nakasamba na ba kayo dati sa mga taong katulad nito? (Oo.) Kung sumusunod ka pa rin sa mga taong katulad nito ngayon, iniidolo pa rin ang mga taong katulad nito, sinasabi Ko sa iyo: Hindi ka nalalayo sa kamatayan, dahil ang mga taong iniidolo mo ay masasamang taong nagkukunwaring mabubuti. Hindi ililigtas ng Diyos ang masasamang tao. Kung iniidolo mo ang masasamang tao at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, sa huli ay pupuksain ka rin.

And diwa sa likod ng magandang pag-uugali tulad ng pagiging madaling lapitan at magiliw ay mailalarawan sa isang salita: pagpapanggap. Ang gayong magandang pag-uugali ay hindi nagmumula sa mga salita ng Diyos, ni resulta ng pagsasagawa ng katotohanan o pagkilos ayon sa prinsipyo. Ano ang nagbubunga nito? Nagmumula ito sa mga motibo at pakana ng mga tao, mula sa kanilang pagpapanggap, pagkukunwari, panlilinlang. Kapag kumakapit ang mga tao sa magagandang pag-uugaling ito, ang layon ay makuha ang mga bagay na gusto nila; kung hindi, hinding-hindi nila iaagrabyado ang sarili nila sa ganitong paraan, at hinding-hindi sila mamumuhay nang salungat sa sarili nilang mga pagnanasa. Ano ang ibig sabihin ng mamuhay nang salungat sa sarili nilang mga pagnanasa? Ito ay na ang tunay nilang kalikasan ay hindi katulad ng inaakala ng mga tao na maganda ang ugali, matapat, malumanay, mabait, at mabuti. Hindi sila nabubuhay ayon sa konsensiya at katinuan; sa halip, nabubuhay sila upang makamtan ang isang partikular na layon o pangangailangan. Ano ang tunay na kalikasan ng isang tao? Ito ay pagiging lito at mangmang. Kung wala ang mga batas at kautusang ipinagkaloob ng Diyos, wala sanang ideya ang mga tao kung ano ang kasalanan. Hindi ba ganito dati ang sangkatauhan? Nang magpalabas ang Diyos ng mga batas at kautusan, saka lamang nagkaroon ang mga tao ng kaunting pagkaunawa sa kasalanan. Ngunit wala pa rin silang konsepto ng tama at mali, o ng mga positibo at negatibong bagay. At, kung ganito ang sitwasyon, paano nila mababatid ang mga tamang prinsipyo sa pagsasalita at pagkilos? Kaya ba nilang malaman kung aling mga paraan ng pagkilos, aling magagandang pag-uugali, ang dapat makita sa normal na pagkatao? Kaya ba nilang malaman kung ano ang nagbubunga ng tunay na magandang pag-uugali, anong uri ng paraan ang dapat nilang sundin para maisabuhay ang wangis ng isang tao? Hindi nila kaya. Dahil sa satanikong kalikasan ng mga tao, dahil sa kanilang likas na gawi, kaya lamang nilang magpanggap at magkunwari na namumuhay sila nang disente, at may dignidad—na siyang nagpasimula ng mga panlilinlang na tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, ipinagpipitagan ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, at pagiging magiliw at madaling lapitan; sa gayon ay lumitaw ang mga panlalansi at paraang ito ng panlilinlang. At nang lumitaw ang mga ito, piniling kumapit ng mga tao sa isa o ilan sa mga panlilinlang na ito. Ang ilan ay piniling maging magiliw at madaling lapitan, ang ilan ay piniling maging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, ang ilan ay piniling maging magalang, na ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata, ang ilan ay piniling maging lahat ng bagay na ito. Subalit iisa ang tawag Ko sa mga taong may gayong magagandang pag-uugali. Anong katawagan iyon? “Makikinis na bato.” Ano ang makikinis na bato? Iyon ang makikinis na bato sa mga ilog na nakiskis at napakintab ng umaagos na tubig sa loob ng maraming taon kaya wala nang anumang matatalim na gilid. At kahit maaaring hindi masakit tapakan ang mga iyon, maaaring madulas doon ang mga tao kung hindi sila mag-iingat. Sa anyo at hugis, napakagaganda ng mga batong ito, ngunit kapag naiuwi na ninyo ang mga ito, medyo walang silbi ang mga ito. Hindi ninyo maaatim na itapon ang mga ito, ngunit wala rin namang dahilan para itago ang mga ito—at ganyan ang “makinis na bato.” Para sa Akin, ang mga taong may ganitong mukhang magagandang pag-uugali ay nakalulunos. Nagkukunwari silang mabuti sa panlabas, ngunit hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, nagsasabi sila ng mga bagay na masarap pakinggan, ngunit hindi sila gumagawa ng anumang tunay. Sila ay walang iba kundi makikinis na bato. Kung magbabahagi ka sa kanila tungkol sa katotohanan at sa mga prinsipyo, kakausapin ka nila tungkol sa pagiging malumanay at pino, at magalang. Kung kakausapin mo sila tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo, kakausapin ka nila tungkol sa pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, at pagiging may pinag-aralan at matino. Kung sasabihin mo sa kanila na kailangang mayroong mga prinsipyo sa pag-asal ng isang tao, na kailangang hanapin ng isang tao ang mga prinsipyo sa kanyang tungkulin at hindi mapagmatigas na kumilos, ano ang magiging saloobin nila? Sasabihin nila, “Ibang usapin ang pagkilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Gusto ko lang namang maging may pinag-aralan at matino, at sang-ayunan ng iba ang mga kilos ko. Basta’t ipinagpipitagan ko ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, at sinasang-ayunan ako ng iba, sapat na iyon.” Interesado lang sila sa mabubuting pag-uugali, hindi sila tumutuon sa katotohanan. Sa pangkalahatan ay nagagawa nilang ipagpitagan ang matatanda, ang mga may mas mataas na posisyon, iyong mga may kwalipikasyon, iyong mga kinikilalang may magandang pag-uugali at reputasyon sa grupo, habang inaalagaan din nang husto at nang may pagmamahal ang mga komunidad ng mga bata at bulnerable. Mahigpit nilang itinataguyod ang panlipunang tuntunin na pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata upang ipakitang marangal sila. Gayunpaman, hindi maitatanggi na kapag nagkasalungat ang kanilang mga interes at ang tuntuning iyon, isasantabi nila ang tuntuning iyon at poprotektahan ang kanilang mga interes nang ura-urada at nang hindi “pinagdurusahan” ang mga pagpigil ng sinuman. Bagamat ang kanilang mabuting pag-uugali ay umaani ng pagsang-ayon ng lahat ng nakakasalamuha nila, ng kakilala nila, o pamilyar sa kanila, ang hindi maikakaila ay kahit na ginagawa nila ang mabubuting pag-uugaling ito na pinupuri ng iba, hindi sila nagtatamo ng kahit kaunting kawalan sa kanilang mga sariling interes, at ipinaglalaban nila ang kanilang mga interes sa anumang paraang kinakailangan, nang hindi “pinagdurusahan” ang mga pagpigil ng sinuman. Ang kanilang pagpipitagan para sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ay pansamantalang pag-uugali lang, binuo sa pundasyon ng hindi pagsagabal sa kanilang mga sariling interes. Limitado ang saklaw nito sa isang paraan ng pag-asal. Kaya nila itong gawin, sa mga sitwasyon na hindi talaga nito naaapektuhan o nalalabag ang kanilang mga interes, ngunit kapag priyoridad ang kanilang mga interes, sa huli ay iyon ang mga ipaglalaban nila. Kaya, sa katunayan, ang kanilang pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ay hindi nakasasagabal sa kanilang paghahangad sa kanilang mga interes, hindi rin nito napipigilan ang paghahangad na iyon. Ang pag-uugali na pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ay isang mabuting pag-uugali na nagagawa lang ng mga tao sa ilang partikular na sitwasyon, basta’t hindi ito nakasasagabal sa kanilang mga interes. Hindi ito isang bagay na nagmumula sa loob ng buhay ng isang tao, sa kanyang kaibuturan. Gaano man naisasagawa ng isang tao ang gayong pag-uugali, gaano katagal man siyang nakapagpapatuloy, hindi nito mababago ang mga tiwaling disposisyon na sinasandalan ng tao para mabuhay. Nangangahulugan ito na bagamat ang isang tao ay maaaring hindi taglay ang mabuting pag-uugaling ito, naglalabas pa rin siya ng mga tiwaling disposisyon—subalit kapag nagkaroon na siya ng mabuting pag-uugaling ito, hindi bumubuti o nababago kahit kaunti ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa kabaligtaran, palalim nang palalim niyang itinatago ang mga ito. Ang mga ito ay mahahalagang bagay na nakatago sa likod ng gayong mabubuting pag-uugali.

Dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan at paghihimay sa mabubuting pag-uugali ng tradisyonal na kultura na pagiging malumanay at pino, magalang, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, magiliw, at madaling lapitan. Ang mga ito ay katulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, at halos magkakapareho ang mga ito sa diwa. Walang kabuluhan ang mga ito. Dapat na bitiwan ng mga tao ang mabubuting pag-uugaling ito. Ang dapat pagsumikapan ng mga tao na makamtan nang husto ay ang gawin nilang batayan ang mga salita ng Diyos, at gawing pamantayan ang katotohanan; saka lamang sila makakapamuhay sa liwanag at makakapagsabuhay sa wangis ng isang normal na tao. Kung nais mong mabuhay sa liwanag, dapat kang kumilos ayon sa katotohanan; dapat kang maging isang matapat na tao na nagsasabi ng matatapat na salita at gumagawa ng matatapat na bagay. Ang mahalaga ay ang magkaroon ng mga katotohanang prinsipyo sa pag-asal ng isang tao; kapag nawala sa mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, at nagtuon lamang sila sa magandang pag-uugali, hindi maiiwasang magpasimula ito ng panloloko at pagpapanggap. Kung walang prinsipyo sa pag-asal ng mga tao, gaano man kaganda ang kanilang asal, mga mapagpaimbabaw sila; maaari nilang malihis sandali ang iba, ngunit hinding-hindi sila magiging katiwa-tiwala. Kapag kumilos at umasal ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, saka lamang sila magkakaroon ng tunay na pundasyon. Kung hindi sila umaasal ayon sa mga salita ng Diyos, at tumutuon lamang sila sa pagpapanggap na kumikilos sila nang maayos, magiging mabubuting tao ba sila dahil dito? Talagang hindi. Ang magagandang doktrina at pag-uugali ay hindi mababago ang mga tiwaling diwa ng tao, at hindi mababago ng mga ito ang kanyang diwa. Tanging ang katotohanan at mga salita ng Diyos ang maaaring magpabago sa mga tiwaling disposisyon, kaisipan, at opinyon ng mga tao, at maaaring maging buhay nila. Ang pinaniniwalaan ng tao, sa kanyang tradisyonal na kultura at sa kanyang mga kuru-kuro, na iba’t ibang mabuting pag-uugali tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at pagiging madaling lapitan, ay mga pag-uugali lang. Ang mga ito ay hindi ang buhay, lalong hindi ang katotohanan. Ang tradisyonal na kultura ay hindi ang katotohanan, gayundin ang anuman sa mabubuting pag-uugaling isinusulong nito. Gaano man karaming tradisyonal na kultura ang nauunawaan ng tao at gaano man karaming mabubuting pag-uugali ang ipinamumuhay niya sa kanyang buhay, hindi nito mababago ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Kaya, sa loob ng libu-libong taon, naikintal sa sangkatauhan ang tradisyonal na kultura, at hindi talaga nagbago ang tiwaling disposisyon nito; sa halip, lalong lumalim ang katiwalian nito, at lalong dumilim at sumama ang mundo. Direkta itong nauugnay sa edukasyon ng tradisyonal na kultura. Maisasabuhay lamang ng mga tao ang wangis ng isang tunay na tao sa pamamagitan ng pagturing sa mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Hindi ito maitatanggi. Kaya, anong uri ng mga sukatan at hinihingi ang itinatakda ng mga salita ng Diyos para sa pag-uugali ng tao? Bukod sa kung ano ang itinakda sa mga batas at kautusan, nariyan din ang mga hinihingi ng Panginoong Jesus sa pag-uugali ng tao, lalo na ang mga hinihingi at tuntunin para sa tao ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Para sa sangkatauhan, ang mga ito ang mga pinakamahahalagang salita sa lahat, at ang mga ito ang mga pinakabatayang prinsipyo para sa pag-asal ng sangkatauhan. Dapat ninyong hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga pinakabatayang pamantayan ng pag-uugali para sa inyong pag-asal at pagkilos. Kapag ginawa ninyo ito, maiwawaksi ninyo sa inyong sarili ang maling patnubay at panlilihis ng mabubuting pag-uugali ng tradisyonal na kulturang Tsino. Pagkatapos ay mahahanap na ninyo ang landas at mga prinsipyo para sa pag-asal at pagkilos, na nangangahulugan ding mahahanap na ninyo ang landas at ang mga prinsipyo ng kaligtasan. Kung ituturing ninyo ang mga kasalukuyang salita ng Diyos bilang inyong batayan at ang katotohanang pinagbabahaginan ngayon bilang inyong pamantayan, at ipapalit ninyo ang mga ito sa mga pamantayang iyon para sa mabuting pag-uugali, na mayroon ang sangkatauhan sa mga kuru-kuro nito, kung gayon ay isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Sa lahat ng pagkakataon, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay tungkol sa kung anong uri siya dapat ng tao at kung anong daan ang dapat niyang tahakin. Hindi Niya kailanman hiningi na dapat magtaglay ang tao ng ilang pag-uugali nang hindi kinokonsidera ang iba pang aspekto. Hinihingi Niya na ang mga tao ay maging matapat, hindi mapanlinlang; hinihingi Niyang tanggapin at hangarin ng tao ang katotohanan, at maging matapat sa Kanya, at mapagpasakop, at magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailanman hiningi na ang tao ay magkaroon lang ng ilang mabubuting pag-uugali, na magiging ayos na iyon. Subalit ang tradisyonal na kultura ng Tsina ay pinatutuon lang ang tao sa mabuting pag-uugali, sa pagpapakita ng magandang panlabas na asal. Hindi talaga nito nabibigyang-liwanag kung ano ang mga tiwaling disposisyon ng tao o kung saan nagmumula ang kanyang katiwalian, lalong wala itong kakayahang tukuyin ang landas kung saan iwawaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Samakatuwid, gaano man isulong ng tradisyonal na kultura ang anumang mabubuting pag-uugali na dapat taglayin ng tao, pagdating sa pagwawaksi ng sangkatauhan sa mga tiwaling disposisyon nito at pagsasabuhay sa wangis ng isang tunay na tao, hindi ito epektibo. Gaano man karangal o kaganda ang mga pahayag nito tungkol sa moralidad, wala itong magagawa upang baguhin ang tiwaling diwa ng sangkatauhan. Sa ilalim ng pagkikintal at impluwensiya ng tradisyonal na kultura, maraming hindi namamalayang bagay ang nangyari sa tiwaling sangkatauhan. Ano ang ibig sabihin ng “hindi namamalayan” dito? Nangangahulugan ito na kapag ang tao ay hindi halatang nakintalan at nahawahan ng tradisyonal na kultura, kapag walang anumang malinaw na salita, pahayag, tuntunin, o kaalaman kung paano kumilos nang naaangkop, kusa niyang isinasagawa at sinusunod ang mga nakasanayang ideya at pamamaraan ng mga tao. Sa pamumuhay sa mga gayong sitwasyon, sa gayong kondisyon, gaya ng lahat ng tao, hindi niya namamalayan na naiisip niya, “Maganda ang pagiging may pinag-aralan at matino—positibo ito, at naaayon ito sa katotohanan; maganda ang pagiging malumanay at pino—nararapat lang na maging ganito ang mga tao, gusto ito ng Diyos, at naaayon ito sa katotohanan; ang pagiging magalang, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, magiliw, at madaling lapitan ay pawang mga pagpapakita na mula sa normal na pagkatao—naaayon ang mga ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.” Kahit na wala siyang nakikitang malinaw na batayan sa mga salita ng Diyos, nadarama niya sa kanyang puso na ang mga salita at mga hinihingi ng Diyos sa tao at ang mga hinihinging pamantayan ng tradisyonal na kultura ay halos pareho, na walang malaking pagkakaiba ang mga ito. Hindi ba’t pagbabaluktot at maling pagpapakahulugan ito sa mga salita ng Diyos? May sinabi bang gayon ang mga salita ng Diyos? Wala, at hindi rin iyon ang ibig sabihin Niya; ang mga bagay na iyon ay mga pagbabaluktot at maling pagpapakahulugan ng tao sa mga salita ng Diyos. Hindi kailanman sinabi ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, kaya ang dapat ninyong gawin, sa anumang sitwasyon, ay ang huwag mag-isip nang ganoon. Dapat ninyong basahin ang detalye ng mga salita ng Diyos at hanapin sa mga ito ang mismong mga hinihingi ng Diyos sa pag-uugali ng tao, pagkatapos ay maghanap ng ilan pang sipi ng Kanyang mga salita, tipunin ang mga ito, at magdasal-magbasa at magbahagi tungkol sa mga tinipong salita ng Diyos. Kapag mayroon na kayong kaalaman tungkol sa mga ito, saka ninyo dapat na isagawa at danasin ang mga ito. Dadalhin nito ang mga salita ng Diyos sa inyong tunay na buhay, kung saan magiging batayan ang mga ito ng inyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, pati na ng inyong asal at mga kilos. Ano ba dapat ang batayan ng pananalita at mga pagkilos ng mga tao? Mga salita ng Diyos. Kung gayon, ano ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa pananalita ng mga tao? (Na dapat makatulong ito sa mga tao.) Tama iyan. Ang pinakamahalaga, dapat sabihin mo ang totoo, magsalita ka nang matapat, at maging kapaki-pakinabang sa iba. Kahit paano, ang pananalita mo ay dapat nakakapagpalinaw sa mga tao, at hindi niloloko, inililigaw, pinagtatawanan, tinutudyo, nililibak, tinutuya, hinihigpitan sila, inilalantad ang mga kahinaan nila, o sinasaktan sila. Ito ang pagpapahayag ng normal na pagkatao. Ito ang kabutihan ng pagkatao. Sinabi ba sa iyo ng Diyos kung gaano ka kalakas dapat na magsalita? Hiningi ba Niya na gumamit ka ng karaniwang wika? Hiningi ba Niya na gumamit ka ng mabulaklak na retorika o ng isang matayog at pinong istilo ng lingguwistika? (Hindi.) Wala Siyang hiningi sa anumang mababaw, mapagpaimbabaw, huwad, at walang kabuluhang bagay na iyon. Ang hinihingi ng Diyos ay pawang mga bagay na dapat taglay ng normal na pagkatao, mga pamantayan at prinsipyo para sa wika at pag-uugali ng tao. Hindi mahalaga kung saan ipinanganak ang isang tao o kung anong wika ang kanyang sinasalita. Ano’t anuman, ang mga salitang sinasabi mo—ang istilo ng pagkakasabi at nilalaman ng mga ito—ay dapat na nakapagpapatibay sa iba. Ano ang ibig sabihin na dapat nakapagpapatibay ang mga ito? Ibig sabihin, kapag narinig ng ibang tao ang mga ito, madarama nila na totoo ang mga ito, at makakukuha sila ng pagtustos at tulong mula sa mga ito, at mauunawaan nila ang katotohanan, at hindi na sila malilito, o madaling malilihis ng iba. Kaya, hinihingi ng Diyos na sabihin ng mga tao ang totoo, sabihin ang iniisip nila, at hindi niloloko, inililigaw, pinagtatawanan, tinutudyo, nililibak, tinutuya, hinihigpitan ang iba, o inilalantad ang mga kahinaan nila, o sinasaktan sila. Hindi ba’t mga prinsipyo ng pananalita ang mga ito? Ano ang ibig sabihin ng hindi dapat ilantad ng isang tao ang mga kahinaan ng mga tao? Ang ibig sabihin nito ay huwag dungisan ang ibang mga tao. Huwag kumapit sa kanilang nakaraang mga pagkakamali o pagkukulang para husgahan o kondenahin sila. Ito ang pinakamaliit na bagay na dapat mong gawin. Sa maagap na banda, paano ipinapahayag ang nakakatulong na pananalita? Ito ay pangunahing nanghihikayat, nagtuturo, gumagabay, nagpapayo, umuunawa, at nagpapanatag. Isa pa, sa ilang natatanging pagkakataon, kinakailangan na direktang ibunyag ang mga kamalian ng ibang tao at pungusan sila, upang magtamo sila ng kaalaman sa katotohanan at kagustuhang magsisi. Saka lang makakamtan ang nararapat na epekto. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Tunay na tulong ito sa kanila, at mapakikinabangan nila ito, hindi ba? Sabihin natin, halimbawa, na napakasutil at napakayabang mo. Hindi mo ito namalayan kahit kailan, ngunit lumitaw ang isang taong lubos na nakakakilala sa iyo at sinabi niya sa iyo ang problema. Iniisip mo sa sarili mo, “Sutil ba ako? Mayabang ba ako? Wala nang ibang nangahas na sabihin iyon sa akin, ngunit nauunawaan niya ako. Kung nasabi niya ang gayong bagay, nagpapahiwatig iyon na talagang totoo iyon. Kailangan kong gumugol ng kaunting panahon para pagnilayan ito.” Pagkatapos niyon sasabihin mo sa taong iyon, “Magagandang bagay lamang ang sinasabi ng ibang mga tao sa akin, pinupuri nila ako nang husto, walang sinumang nakikipag-usap sa akin nang masinsinan kahit kailan, wala pang sinumang bumanggit ng mga pagkukulang at isyung ito sa akin. Ikaw lamang ang nakapagsabi niyon sa akin, na kumausap sa akin nang masinsinan. Napakagaling niyon, napakalaking tulong sa akin.” Pag-uusap ito nang puso-sa-puso, hindi ba? Paunti-unti, sinasabi sa iyo ng taong iyon ang nasa isip niya, ang mga naiisip niya tungkol sa iyo, at ang kanyang mga karanasan kung paano siya nagkaroon ng mga kuru-kuro, imahinasyon, pagkanegatibo at kahinaan tungkol sa bagay na ito, at nagawang takasan iyon sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Ito ay pag-uusap nang puso-sa-puso; ito ay pagniniig ng mga kaluluwa. At ano, sa kabuuan, ang prinsipyo sa likod ng pagsasalita? Ito iyon: Sabihin ang nasa puso mo, at banggitin ang mga tunay na karanasan mo at kung ano talaga ang iniisip mo. Ang mga salitang ito ang may pinakamalaking pakinabang sa mga tao, tinutustusan ng mga ito ang mga tao, tinutulungan sila ng mga ito, positibo ang mga ito. Tumangging sambitin ang mga pekeng salitang iyon, ang mga salitang iyon na walang pakinabang o hindi nagpapatibay sa mga tao; maiiwasan nitong mapinsala sila o matisod sila, na magsasadlak sa kanila sa pagkanegatibo, at magkakaroon ng negatibong epekto. Dapat kang magsalita ng mga positibong bagay. Dapat kang magsumikap na tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo, para makinabang sila, para matustusan sila, para magkaroon sila ng tunay na pananampalataya sa Diyos; at dapat mong tulutan ang mga tao na matulungan, at makinabang nang husto, mula sa iyong mga karanasan sa mga salita ng Diyos at sa paraan ng paglutas mo ng mga problema, at magawang maunawaan ang landas ng pagdanas ng gawain ng Diyos at pagpasok sa katotohanang realidad, na magtutulot sa kanilang magkaroon ng buhay pagpasok at lumago ang kanilang buhay—na pawang epekto ng pagkakaroon ng mga prinsipyo sa iyong mga salita, at pagpapatibay nito sa mga tao. Bukod dito, kapag nagsasama-sama ang mga tao para magtsismisan at maghagikhikan, hindi iyon maprinsipyo. Ang inilalabas lamang nila ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ito batay sa mga salita ng Diyos, at hindi nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Ang lahat ng ito ay mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo—namumuhay sila ayon sa pangmamanipula ng kanilang mga tiwaling disposisyon.

Hinihingi ng Diyos na maging maprinsipyo at nakapagpapatibay sa iba ang tao sa kanyang pananalita. Mayroon ba itong anumang kinalaman sa panlabas na mabubuting pag-uugaling iyon ng tao? (Wala.) Wala talaga itong kinalaman sa mga iyon. Sabihin nang hindi ka dominante sa iba o hindi huwad at mapanlinlang ang iyong pananalita, at nagagawa mo ring hikayatin, gabayan, at bigyang-ginhawa ang iba. Kung pareho mong nagagawa ang mga bagay na ito, kinakailangan pa bang gawin mo ang mga ito nang may saloobin na madaling lapitan? Dapat mo bang kamtin ang pagiging madaling lapitan? Magagawa mo lang ba ang mga bagay na iyon sa loob ng balangkas ng pag-uugali ng mga gayong panlabas na pagiging magalang, malumanay, at pino? Hindi na kinakailangan ang mga ito. Ang paunang kondisyon para maging nakapagpapatibay sa iba ang iyong pananalita ay na batay dapat ito sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi—na batay dapat ito sa katotohanan, sa halip na sa mabubuting pag-uugaling nabuo sa gitna ng tradisyonal na kultura. Kapag maprinsipyo at nakapagpapatibay na sa iba ang iyong pananalita, maaari kang magsalita nang nakaupo, o maaari kang magsalita nang nakatayo; maaari kang magsalita nang malakas o nang mahina; maaari kang magsalita gamit ang malulumanay na salita, o gamit ang malulupit na salita. Kaya, basta’t positibo ang resulta sa huli, basta’t natupad mo na ang iyong responsabilidad at nakinabang na ang kabilang partido, kung gayon ay naaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang hinahangad mo ay ang katotohanan, at ang isinasagawa mo ay ang katotohanan, at ang batayan ng iyong mga pananalita at kilos ay ang mga salita ng Diyos, ang mga katotohanang prinsipyo, at kung makikinabang at magkakamit ang iba mula sa iyo, hindi ba’t pareho kayong makikinabang doon? Kung sa pamumuhay na napipigilan ng pag-iisip sa tradisyunal na kultura, nagpapanggap ka habang gayon din ang ginagawa ng iba, at nagpapakita ka ng magagandang pag-uugali habang yumuyukod sila at tumatango, bawat isa ay nagpapanggap sa isa pa, walang sinuman sa inyo ang mabuti. Buong araw kayong yumuyukod at tumatango at nagpapakitaan ng magagandang pag-uugali, nang walang sinasabing katotohanan, mabubuting pag-uugali lamang ang kinakatawan sa buhay gaya ng itinataguyod ng tradisyunal na kultura. Bagama’t nakasanayan na ang gayong pag-uugali kung titingnan, puro pagpapaimbabaw iyon, pag-uugaling nanlalansi at nanlilihis sa iba, pag-uugaling nililinlang at nilalansi ang mga tao, nang walang taos-pusong salitang maririnig. Kung makikipagkaibigan ka sa gayong tao, malamang na malilinlang at malalansi ka sa huli. Walang makakamit na anumang magpapasigla sa iyo mula sa kanyang mabuting pag-uugali. Ang maituturo lang nito sa iyo ay kasinungalingan at panlalansi: Nilalansi mo sila, nilalansi ka nila. Ang madarama mo sa huli ay matinding pagkainsulto ng iyong integridad at dignidad, na kakailanganin mo na lang tiisin. Kakailanganin mo pa ring ipresenta ang iyong sarili nang may paggalang, sa may pinag-aralan at matinong paraan, nang hindi nakikipagtalo sa iba o humihingi ng sobra-sobra sa kanila. Kakailanganin mo pa ring magpasensya at magparaya, nagkukunwaring kalmado at mapagbigay nang may maningning na ngiti. Gaano karaming taon ng pagsisikap ang kailangan para makamtan ang gayong kondisyon! Kung pipilitin mo ang sarili mo na mamuhay nang ganito sa harap ng iba, hindi ka ba mapapagod sa buhay mo? Ang magkunwaring napakalaki ng iyong pagmamahal, kahit alam na alam mo namang wala ka noon—hindi madali ang gayong pagpapaimbabaw! Lalo mong madarama ang kapaguran ng pag-asal sa ganitong paraan bilang isang tao; mas gugustuhin mo pang maisilang bilang isang baka o kabayo, isang baboy o aso sa susunod mong buhay kaysa bilang isang tao. Magiging masyado silang huwad at masama para sa iyo. Bakit ba namumuhay ang tao sa paraang lubos na nakapapagod sa kanya? Dahil namumuhay siya sa gitna ng mga tradisyonal na kuru-kuro, na pumipigil at gumagapos sa kanya. Dahil umaasa siya sa kanyang tiwaling disposisyon, namumuhay siya sa kasalanan, at hindi siya makaalis dito. Hindi siya makawala. Ang isinasabuhay niya ay hindi ang wangis ng isang tunay na tao. Sa pagitan ng mga tao, hindi makarinig o makatamo ang isang tao ng kahit isang simpleng sinserong salita, kahit sa pagitan ng mag-asawa, mag-ina, mag-ama, mga taong pinakamalapit sa isa’t isa—walang taos-pusong salitang maririnig, walang mapagmahal na salita o salitang nakagiginhawa sa iba. Kaya, ano ang silbi ng panlabas na mabubuting pag-uugaling ito? Pansamantalang pinananatili ng mga ito ang normal na distansya at mga normal na relasyon sa pagitan ng mga tao. Subalit, sa likod ng mabubuting pag-uugaling ito, walang nangangahas na malalim na makipag-ugnayan sa sinuman, na sa huli ay ibinuod ng sangkatauhan sa pariralang: “Nagdudulot ng kagandahan ang distansya.” Inilalantad nito ang tunay na kalikasan ng sangkatauhan, hindi ba? Paano nagdudulot ng kagandahan ang distansya? Sa huwad at masamang realidad ng gayong buhay, namumuhay ang tao sa patuloy na tumitinding kalungkutan, pag-iisa, depresyon, pagpupuyos, at kawalang-kasiyahan, nang walang landas pasulong. Ito ang tunay na kondisyon ng mga walang pananampalataya. Gayunpaman, nananampalataya ka sa Diyos ngayon. Pumunta ka sa sambahayan ng Diyos at tinanggap ang pagtustos ng Kanyang mga salita, at madalas kang nakikinig sa mga sermon. Subalit sa iyong puso, gusto mo pa rin ang mabubuting pag-uugali na isinusulong ng tradisyonal na kultura. Pinatutunayan nito ang isang bagay: Hindi mo nauunawaan ang katotohanan at wala kang realidad. Sa buhay mo ngayon, bakit lubos ka pa ring nalulumbay, nalulungkot, kahabag-habag, at nangmamaliit ng sarili? Ang dahilan lang nito ay hindi mo tinatanggap ang katotohanan at hindi ka talaga nagbago. Sa madaling salita, hindi mo tinitingnan ang mga tao at bagay, at hindi ka umaasal at kumikilos, nang ayon sa mga salita ng Diyos, o na ang pamantayan mo ay ang katotohanan. Namumuhay ka pa rin nang umaasa sa mga tiwaling disposisyon at tradisyonal na kultura. Kaya napakalungkot pa rin ng buhay mo. Wala kang kaibigan, walang mapagsasabihan ng iyong saloobin. Hindi mo matamo sa iba ang suporta, patnubay, tulong, o pagpapatibay na dapat mong matamo, at hindi ka rin makapagbigay ng suporta, patnubay, o tulong sa iba. Kahit sa mga ito, na mga pinakabatayang pag-uugali, hindi mo itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan at ang katotohanan bilang iyong pamantayan, kaya mas lalong hindi kailangang banggitin ang iyong pagtingin sa mga tao at bagay o ang iyong pag-asal at pagkilos—ang mga iyon ay isang daang libong milya ang layo sa katotohanan, at sa mga salita ng Diyos!

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mga hinihingi ng Diyos sa pag-uugali ng tao: hinihingi Niya na ang pananalita at mga kilos ng tao ay maging maprinsipyo at nakapagpapatibay sa iba. Kaya, batay roon, alam na ba ng lahat kung may anumang halaga ang mabubuting pag-uugaling iyon na naiisip ng tao—kung karapat-dapat bang pahalagahan ang mga ito? (Hindi karapat-dapat na pahalagahan ang mga ito.) Kung gayon, ano ang dapat ninyong gawin, yamang hindi kayo naniniwalang karapat-dapat na pahalagahan ang mga ito? (Talikdan ang mga ito.) Paano matatalikdan ang mga ito? Upang matalikdan ang mga ito, ang isang tao ay dapat na may partikular na landas at mga hakbang sa kanyang pagsasagawa. Una, dapat suriin ng isang tao ang kanyang sarili kung mayroon ba siyang mga pagpapakita ng pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino at pagiging malumanay at pino, na gaya ng isinusulong ng tradisyonal na kultura. Ano ang anyo ng gayong pagsusuri, at ano ang mga nilalaman nito? Ang mga nilalaman nito ay ang tingnan ang iyong sarili upang makita kung ano ang batayan ng iyong pagtingin sa mga tao at bagay, pati na ng iyong asal at kilos, at upang makita kung aling mga bagay na kay Satanas ang malalim na nag-ugat sa iyong puso at tumagos sa iyong dugo at kaibuturan. Halimbawa, sabihin nang may isang taong pinalayaw mula pagkabata, na walang masyadong alam sa pagkontrol sa sarili, ngunit hindi masama ang kanyang pagkatao. Isa siyang tunay na mananampalataya, at nananalig siya sa Diyos at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nang may sinseridad, at kaya niyang magdusa at magbayad ng mga halaga. May isang bagay lang na mali sa kanya: Kapag kumakain siya, pinipili niya ang mga piraso ng pagkain at matunog na pinaglalapat ang kanyang mga labi. Labis kang naaalibadbaran dito na hindi mo malunok ang pagkain mo. Dati ay labis kang nayayamot sa gayong mga tao. Iniisip mong wala siyang modo at hindi niya alam kung paano kontrolin ang sarili, na wala siyang pinag-aralan o hindi siya matino. Sa puso mo, nasusuklam ka sa kanya, naniniwala kang ang gayong tao ay mababang-uri at walang dignidad, na imposibleng isa siyang taong pinipili ng Diyos, lalong imposible na isa siyang taong minamahal ng Diyos. Ano ang batayan ng paniniwala mong ito? Nahalata mo ba ang kanyang diwa? Sinusukat mo ba siya batay sa kanyang diwa? Ano ang batayan ng iyong pagsukat? Malinaw na sinusukat mo ang mga tao batay sa iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura ng Tsina. Kaya, kapag nalaman mo ang problemang ito, ano ang dapat mong isipin, batay sa mga katotohanang pinagbahaginan natin ngayon? “Naku, minamaliit ko siya dati. Hindi ako kailanman kusang-loob na nakinig sa kanyang pagbabahagi. Sa tuwing may sinasabi o ginagawa siya, gaano man katamang gawin niya ito o gaano man kapraktikal ang mga salita ng kanyang pagbabahagi, sa sandaling maisip kong matunog niyang pinaglalapat ang mga labi niya at namimili siya ng mga piraso ng pagkain kapag oras ng pagkain, ayaw ko na siyang pakinggan magsalita. Palagi ko siyang itinuturing na taong walang modo na walang kakayahan. Ngayon, sa pamamagitan ng gayong pagbabahagi mula sa Diyos, nakikita kong hindi batay sa mga salita ng Diyos ang mga pagtingin ko sa mga tao; sa halip, itinuturing ko ang masasamang kagawian at pag-uugali na mayroon ang mga tao sa kanilang buhay—partikular na iyong mga aspekto na wala silang modo o na hindi sila disente—na para bang mga pagbuhos ito ng kanilang pagkataong diwa. Ngayong sinusukat ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos, ang lahat ng bagay na iyon ay maliliit na kamaliang hindi nauugnay sa kanilang pagkataong diwa. Malayo ang mga ito sa pagiging mga problema ng prinsipyo.” Hindi ba’t pagsusuri ito sa sarili? (Ganoon nga.) Ang mga kayang tanggapin ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan ay malinaw na nakikita ang mga bagay na ito. Kung gayon, ano ang dapat gawin mula roon? Mayroon bang landas? Gagana ba kung hihingiin mong iwaksi nila kaagad ang masasamang kagawiang ito? (Hindi.) Nakakintal at mahirap baguhin ang gayong maliliit na depekto. Ang mga ito ay hindi kayang baguhin ng isang tao sa loob lang ng isa o dalawang araw. Hindi masyadong mahirap lutasin ang mga problema sa pag-uugali, ngunit pagdating sa mga depekto sa mga kagawian sa buhay ng isang tao, kakailanganin niya ng ilang panahon upang maiwaksi ang mga ito. Gayunpaman, hindi sangkot sa mga ito ang kalidad ng pagkatao ng isang tao o ang kanyang pagkataong diwa, kaya huwag masyadong pahalagahan ang mga ito o tumangging bitiwan ang mga ito. Ang lahat ay may kanya-kanyang mga kagawian at pamamaraan sa buhay. Walang taong hindi naiimpluwensiyahan ng panlabas na kaganapan. May ilang depekto ang lahat ng tao, at kahit ano pa ang mga ito, kung naaapektuhan ng mga ito ang iba, dapat itama ang mga ito. Ganoon matatamo ang mapayapang pakikipag-ugnayan. Gayunpaman, imposibleng maging ideyal sa lahat ng aspekto. Nanggagaling ang mga tao sa labis na magkakaibang lugar, at pawang magkakaiba ang kanilang mga kagawian sa buhay, kaya dapat silang maging mapagtimpi sa isa’t isa. Isa itong bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao. Huwag masyadong magpaapekto sa maliliit na problema. Maging mapagtimpi. Iyan ang pinakanaaangkop na paraan ng pagtrato sa iba. Ito ang prinsipyo ng pagtitimpi, ang prinsipyo at paraan kung paano pinangangasiwaan ang mga gayong bagay. Huwag subukang tukuyin ang diwa at pagkatao ng mga tao batay sa kanilang maliliit na depekto. Ganap na hindi naaayon sa mga prinsipyo ang batayang iyon, dahil anumang depekto o kapintasan mayroon ang isang tao, hindi ito kumakatawan sa diwa ng taong iyon, hindi rin ito nangangahulugan na hindi taos-pusong mananampalataya sa Diyos ang taong iyon, lalong hindi ito nangangahulugang hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Dapat nating tingnan ang mga kalakasan ng mga tao at ibatay ang ating mga pagtingin sa mga tao sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi sa tao. Iyon ang paraan ng patas na pagtrato sa mga tao. Paano dapat tingnan ng isang taong naghahangad sa katotohanan ang mga tao? Ang kanyang pagtingin sa mga tao at bagay, at ang kanyang asal at mga kilos ay dapat batay lahat sa mga salita ng Diyos, na ang kanyang pamantayan ay ang katotohanan. Paano mo titingnan ang bawat tao ayon sa mga salita ng Diyos? Tingnan kung nagtataglay siya ng konsensiya at katwiran, kung siya ay isang mabuti o masamang tao. Sa iyong pakikisalamuha sa kanya, maaaring makita mo na bagamat mayroon siyang maliliit na depekto at kakulangan, mabuti naman ang kanyang pagkatao. Mapagtimpi at mapagpasensiya siya sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, at kapag may isang taong negatibo at mahina, mapagmahal siya rito at kaya niya itong tustusan at tulungan. Iyan ang kanyang saloobin sa iba. Ano naman, kung gayon, ang kanyang saloobin sa Diyos? Sa kanyang saloobin sa Diyos, mas kayang sukatin kung mayroon siyang pagkatao. Maaaring sa lahat ng ginagawa ng Diyos, siya ay nagpapasakop, at naghahanap, at nag-aasam, at sa proseso ng pagganap sa kanyang tungkulin at pakikipag-ugnayan sa iba—kapag umaaksyon siya—mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi naman sa mapusok siya, na kumikilos siya nang mapangahas, at hindi nito ibig sabihin na ginagawa at sinasabi niya ang kahit na ano. Kapag may nangyayari na may kaugnayan sa Diyos o sa Kanyang gawain, lubos siyang maingat. Kapag natiyak mo nang mayroon siya ng mga pagpapakitang ito, paano mo susukatin kung ang taong iyon ay mabuti o masama batay sa mga bagay na lumalabas mula sa kanyang pagkatao? Sukatin iyon batay sa mga salita ng Diyos, at sukatin ito batay sa kung mayroon siyang konsensiya at katwiran, at sa kanyang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Sa pagsukat sa kanya sa dalawang aspektong ito, makikita mo na bagamat may ilang problema at depekto sa kanyang pag-uugali, maaaring isa pa rin siyang taong may konsensiya at katwiran, na may pusong nagpapasakop at may takot sa Diyos at may saloobin ng pagmamahal at pagtanggap sa katotohanan. Kung gayon, sa mata ng Diyos, isa siyang taong maaaring maligtas, isang taong Kanyang minamahal. At dahil sa mata ng Diyos ay isa siyang taong maaaring maligtas at Kanyang minamahal, paano mo siya dapat tratuhin? Dapat mong tingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos at dapat kang sumukat ayon sa Kanyang mga salita. Isa siyang tunay na kapatid, at dapat mo siyang tratuhin nang tama at nang walang personal na pagkiling. Huwag mo siyang tingnan nang may kinikilingan o sukatin siya ayon sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura—sa halip, sukatin mo siya gamit ang mga salita ng Diyos. At tungkol naman sa mga depekto sa pag-uugali niya, kung likas kang mabait, dapat mo siyang tulungan. Ipaalam sa kanya kung paano kumilos nang wasto. Ano ang gagawin mo kung kaya niyang tanggapin iyon ngunit hindi niya kaagad mabitiwan ang kanyang mga depekto sa pag-uugali? Dapat kang maging mapagtimpi. Kung hindi ka mapagtimpi, nangangahulugan iyon na hindi ka likas na mabait, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa iyong saloobin sa kanya, at pagnilayan at alamin ang sarili mong mga pagkukulang. Ganyan mo matatrato nang tama ang mga tao. Kung, taliwas dito, sinasabi mong, “Napakaraming depekto ng taong iyon. Wala siyang modo, hindi niya alam kung paano kontrolin ang kanyang sarili, hindi niya alam ang tungkol sa paggalang sa iba, at wala siyang tamang asal. Kung gayon, isa siyang walang pananampalataya. Ayaw kong makipag-ugnayan sa kanya, ayaw ko siyang makita, at ayaw kong marinig ang anumang sasabihin niya, gaano man ito katama. Sino ang maniniwalang may takot siya sa Diyos at nagpapasakop siya sa Diyos? Magagawa ba niya iyon? Mayroon ba siyang kakayahan?” anong saloobin iyan? Pagtulong ba nang may kabutihan ang pagtrato sa iba nang ganoon? Umaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ang gayong pagtrato mo ba sa iba ay pag-unawa at pagsasagawa sa katotohanan? Mapagmahal ba ito? May takot ka ba sa Diyos sa puso mo? Kung ang pananalig ng isang tao sa Diyos ay wala man lang batayang kabutihan, may katotohanang realidad ba ang gayong tao? Kung patuloy kang kumakapit sa iyong mga kuru-kuro, at ang iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay ay nananatiling batay sa mga sarili mong nararamdaman, impresyon, kagustuhan, at kuru-kuro, sapat nang patunay iyan na hindi mo nauunawaan ang katiting na katotohanan at namumuhay ka pa rin nang umaasa sa mga satanikong pilosopiya. Sapat nang patunay ito na hindi ka nagmamahal sa katotohanan o isang taong naghahangad nito. Lubos na mapagmagaling ang ilang tao. Paano ka man magbahagi sa kanila, kumakapit pa rin sila sa kanilang mga sariling pananaw: “Isa akong magalang na tao na ipinagpipitagan ang matatanda at inaalagaan ang mga bata—ano ngayon? Kahit papaano, mabuti akong tao. Anong hindi mabuti sa kung paano ako umaasal? Kahit papaano, nirerespeto ako ng lahat.” Hindi Ako kumokontra sa pagiging mabuting tao mo, ngunit kung patuloy kang magpapanggap na gaya ng ginagawa mo ngayon, makakamit mo ba ang katotohanan at buhay? Maaaring ang pagiging mabuting tao sa paraang ginagawa mo ngayon ay hindi lumalabag sa iyong integridad o sumasalungat sa mithiin at direksyon ng iyong asal, ngunit may isang bagay na dapat mong maunawaan: Kung magpapatuloy ka nang ganyan, hindi mo mauunawaan ang katotohanan o hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad, at sa huli, hindi mo makakamit ang katotohanan o ang buhay, o ang pagliligtas ng Diyos. Iyan lang ang posibleng kalalabasan.

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa kung paano ituturing ang mabubuting pag-uugali na nasa mga kuru-kuro ng mga tao, at kung paano tutukuyin ang mabubuting pag-uugaling iyon para hangarin ng isang tao ang katotohanan. Mayroon na ba kayong landas ngayon? (Mayroon.) Ano ang dapat ninyong gawin? (Una, pagnilayan kung mayroon ka mismo ng mga pag-uugaling ito. Pagkatapos, pagnilayan kung ano ang mga karaniwang batayan at pamantayan mo sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay.) Tama iyan. Dapat kayong magsimula sa pagtingin nang mabuti kung may anuman sa inyong mga dating pagtingin sa mga tao at bagay, o sa inyong asal at mga pagkilos, na salungat sa ibinahagi Ko ngayong araw, o na laban dito. Pagnilayan kung ano ang batayan para sa perspektiba at pananaw na ginagamit ninyo kapag tinitingnan ninyo ang mga tao at bagay, kung ang batayan ba ninyo ay mga pamantayan ng tradisyonal na kultura o ang mga kasabihan ng ilang dakila at tanyag na tao, o kung ito ba ay ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan. Pagkatapos, pagnilayan kung ang mga kaisipan at pananaw ba ng tradisyonal na kultura at ng mga dakila at tanyag na taong iyon ay naaayon sa katotohanan, kung saan sumasalungat ang mga ito sa katotohanan, at kung saan mismo nagkakamali ang mga ito. Ito ang mga detalye ng ikalawang hakbang ng pagninilay sa sarili. Ngayon, para sa ikatlong hakbang. Kapag natuklasan mong ang mga pananaw, paraan, batayan, at pamantayan ng iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa iyong asal at kilos, ay nagmumula sa kalooban ng tao, sa masasamang kalakaran ng lipunan at ng tradisyonal na kultura, at na salungat ang mga ito sa katotohanan, ano ang dapat mong gawin? Hindi ba’t dapat kang maghanap ng mga nauugnay na salita ng Diyos at gawing batayan mo ang mga iyon? (Oo.) Hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos na tumatalakay sa pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa pag-asal at pagkilos. Dapat na pangunahin mo itong ibatay sa kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, o, sa mas tumpak na pananalita, sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Ang mga katotohanang prinsipyong iyon ay dapat na maging batayan at mga pamantayan ng iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at ng iyong asal at mga kilos. Ito ang bagay na pinakamahirap magawa. Dapat munang itatwa ng isang tao ang kanyang mga sariling pananaw, kuru-kuro, opinyon, at saloobin. Kabilang dito ang ilang mali at baluktot na pananaw ng tao. Dapat tuklasin ng isang tao ang mga pananaw na iyon, kilalanin ang mga iyon, at masusing suriin ang mga iyon. Ang isa pang bahagi nito ay na kapag nakita na ng mga tao ang naaangkop na pahayag sa mga nauugnay na salita ng Diyos, dapat nila itong pag-isipan at dapat silang magbahaginan tungkol dito, at kapag nalinaw na nila kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, ito ay agad na magiging usapin ng kung paano nila tatanggapin at isasagawa ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, kapag naunawaan na ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo, magagawa na ba niya kaagad na tanggapin ang mga ito at magpasakop sa mga ito? (Hindi.) Hindi malulutas kaagad ang paghihimagsik at mga tiwaling disposisyon ng tao. May mga tiwaling disposisyon ang tao, at bagamat maaaring alam niya kung ano ang ibig sabihin ng mga salita ng Diyos, hindi niya ito maisasagawa kaagad. Isang tunggalian para sa kanya ang bawat pagsasagawa sa katotohanan. May mapaghimagsik na disposisyon ang tao. Hindi niya mabitiwan ang kanyang mga personal na pagkiling, pagiging sumpungin, mapagmatigas, hambog, mapagmagaling, o labis ang bilib sa sarili, maging ang sandamakmak niyang pangangatwiran at pagdadahilan, o ang kanyang pagpapahalaga sa sarili, katayuan, reputasyon, o banidad. Kaya, kapag binibitiwan mo ang isang bagay na pinaniniwalaan mo sa iyong mga kuru-kuro na mabuti, ang dapat mong talikdan ay ang mga interes mong ito at ang mga bagay na pinahahalagahan mo. Kapag kaya mong talikdan at bitiwan ang lahat ng bagay na ito, iyon ang sandaling magkakaroon ka ng pag-asa o pagkakataong magsagawa batay sa mga salita ng Diyos, nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang bitiwan ang iyong sarili at itatwa ang iyong sarili—ito ang yugtong pinakamahirap malampasan. Gayunpaman, sa sandaling malampasan mo ito, wala nang matitirang malalaking paghihirap sa puso mo. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan at nagawa mong maarok ang diwa ng mabubuting pag-uugali, magbabago ang iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at unti-unti mong mabibitiwan ang mga gayong bagay mula sa tradisyonal na kultura. Kaya, ang baguhin ang mga maling pagtingin ng tao sa mga tao at bagay, at ang mga paraan at estilo ng kanyang mga kilos, at ang pinagmumulan at mga motibo sa likod ng kanyang mga kilos—hindi ito madaling gawin. Ang pinakamahirap baguhin ay na may mga tiwaling disposisyon ang tao. Ang mga pananaw ng tao sa mga bagay at ang kanyang paraan ng pamumuhay ay sanhi ng kanyang mga tiwaling disposisyon. Ginagawa kang mapagmataas, mapagmagaling, at matigas ang ulo ng mga tiwaling disposisyon; dahil sa mga ito ay hinahamak mo ang iba, palagi kang nakatuon sa pagtataguyod sa iyong pangalan at katayuan, sa kung rerespetuhin ka at magiging kapansin-pansin kumpara sa iba, palaging isinasaalang-alang ang iyong mga inaasam sa hinaharap at ang iyong kapalaran, at iba pa. Ang lahat ng bagay na ito ay dulot ng iyong tiwaling disposisyon at may kaugnayan sa iyong mga interes. Kapag kinuha mo ang bawat isa sa mga bagay na ito at hinimay-himay ito, nakilatis ito, at naitatwa ito, magagawa mo nang talikdan ang mga ito. Kapag kaya mo nang bitiwan ang mga ito nang paunti-unti, saka mo lang magagawa, nang walang pagkokompromiso at nang buong-buo, na ituring ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan at ang katotohanan bilang iyong pamantayan sa iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong asal at mga kilos.

Ituring ang mga salita ng Diyos na iyong batayan sa iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong asal at mga kilos—nauunawaan ng lahat ang mga salitang ito. Madaling maintindihan ang mga ito. Sa kanyang pagkamakatwiran at sa kanyang mga kaisipan, sa kanyang mga pasya at mga minimithi, nagagawa ng taong unawain ang mga salitang ito at handa siyang sundin ang mga ito. Hindi ito dapat maging mahirap. Ngunit ang totoo, mahirap para sa tao na ipamuhay ang mga ito kapag nagsasagawa siya ng katotohanan, at ang mga hadlang at problema sa paggawa nito ay hindi lang mga paghihirap na ipinepresenta ng kanyang panlabas na kapaligiran. Ang pangunahing dahilan ay may kinalaman sa kanyang tiwaling disposisyon. Ang tiwaling disposisyon ng tao ang pinagmumulan ng kanyang iba’t ibang problema. Kapag nalutas na ito, hindi na magiging malaking suliranin ang lahat ng problema at paghihirap ng tao. Makikita rito na lahat ng paghihirap ng tao sa pagsasagawa sa katotohanan ay dulot ng kanyang tiwaling disposisyon. Samakatuwid, habang isinasagawa mo ang mga salitang ito ng Diyos, at pinapasok ang realidad na ito ng pagsasagawa sa katotohanan, mas lalo mong mababatid ito: “Mayroon akong tiwaling disposisyon. Ako ang ‘tiwaling sangkatauhan’ na sinasabi ng Diyos, na lubos na nagawang tiwali ni Satanas, isang taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon.” Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? (Ganoon nga.) Samakatuwid, kung hahangarin ng tao ang katotohanan at papasukin ang katotohanang realidad, ang pagkilala at pagkilatis sa mga negatibong bagay ay unang hakbang lang ng pagpasok sa buhay, ang pinakasimulang hakbang. Kung gayon, bakit nauunawaan ng maraming tao ang ilang katotohanan ngunit hindi nila maisagawa ang mga ito? Bakit nakakapangaral silang lahat ng napakaraming salita at doktrina, ngunit hindi pa rin makapasok sa katotohanang realidad? Ito ba ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Hindi—ang katunayan ay kabaligtaran mismo nito. Tamang-tama lang ang antas ng kanilang teoretikal at literal na pagkaunawa sa katotohanan. Madali pa nga para sa kanilang bigkasin ito. May pagpapasya sila, siyempre, at mayroon silang mabuting pag-iisip at mga inaasam; handa silang lahat na magsikap tungo sa katotohanan. Subalit bakit kaya hindi nila maisagawa ang katotohanan, bagkus ay patuloy silang hindi makapasok sa katotohanang realidad? Ito ay dahil ang mga salita at titik at teoryang naunawaan nila ay hindi pa rin maipamalas sa kanilang totoong buhay. Saan nagmumula ang problemang ito? Ang pinagmumulan nito ay ang presensya ng kanilang tiwaling disposisyon na nasa gitna, humahadlang sa mga bagay-bagay. Kaya may ilang taong walang espirituwal na pagkaunawa at hindi nauunawaan ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, mga taong nangangako at nagpapahayag ng kanilang kalooban sa tuwing sila ay nabibigo o natutumba o hindi nila maisagawa ang katotohanan. Napakarami nilang gayong ipinapangako at ipinapahayag, ngunit hindi pa rin nito nalulutas ang problema. Palagi silang nahihinto sa yugtong iyon ng pagpapasya at pangangako. Naiipit sila roon. Kapag nagsasagawa ng katotohanan, maraming tao ang palaging nagpapasya at nangangako, sinasabing magpupursigi sila. Araw-araw nilang pinapalakas ang kanilang loob. Tatlo, apat, limang taon silang nagpapakahirap—at ano ang kinalabasan nito sa huli? Walang naisakatuparan, at humantong sa kabiguan ang lahat. Hindi naaangkop kahit saan ang kaunting doktrinang nauunawaan nila. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila alam kung paano titingnan ito at hindi nila ito makilatis. Hindi sila makahanap ng mga salita ng Diyos na magsisilbing batayan nila; hindi nila alam kung paano tingnan ang mga bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos, at hindi rin nila alam kung aling elemento ng katotohanan sa mga salita ng Diyos ang nalalapat sa bagay na nangyari sa kanila. Pagkatapos ay labis silang mababalisa, at kamumuhian nila ang kanilang sarili, at magdarasal sila, hinihiling sa Diyos na bigyan sila ng higit pang lakas at pananampalataya, pinapalakas pa rin ang kanilang loob sa huli. Hindi ba’t hangal ang ganoong tao? (Hangal nga.) Para lang silang mga bata. Hindi ba’t, sa katunayan, ang karaniwang pagtrato ng tao sa paghahangad sa katotohanan ay katulad ng sa mga bata? Palaging gusto ng tao na hikayatin ang kanyang sarili na isagawa ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpapasya at pangangako, sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili at pagpapalakas ng kanyang loob, ngunit ang pagsasagawa sa katotohanan at pagpasok dito ay hindi nagmumula sa panghihikayat ng tao sa kanyang sarili. Sa halip, dapat kang tunay na pumasok at magsagawa ayon sa paraan at mga hakbang na sasabihin Ko sa iyo, nang may matatag at tuloy-tuloy na hakbang, nang maingat at hindi nagmamadali. Sa gayon ka lang makakakita ng mga resulta; sa gayon mo lang mahahangad ang katotohanan at mapapasok ang katotohanang realidad. Walang mas madaling paraan para malampasan ito. Hindi ito nangangahulugan na kapag may kaunting puso, kaunting pagnanais na gugulin ang sarili, matinding kagustuhan, at malaking mithiin, magiging realidad mo na ang katotohanan, kundi, nangangahulugan ito na ang tao ay dapat matutunan ang mga pinakabatayang aral ng paghahanap, pagpasok, pagsasagawa, at pagpapasakop sa kanyang totoong buhay, sa gitna ng mga tao, kaganapan, at bagay. Matapos matutunan ang mga aral na ito, saka lang magkakaroon ng ugnayan ang tao sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, o saka lang niya mararanasan ang mga ito, o makikilala ang mga ito. Kung hindi magagawa ang mga ito, ang makakamit ng tao ay kaunting doktrina lang na ipampupuno sa puwang sa kanyang puso, gaano man karaming taon ang ginugugol niya sa pagbibigay ng motibasyon sa kanyang sarili, panghihikayat sa kanyang sarili, at pagpapalakas ng kanyang loob. Makararamdam lang siya ng panandalian na kaunting espirituwal na kasiyahan, ngunit wala siyang makakamit na anumang may tunay na halaga. Ano ang ibig sabihin ng walang nakamit na anumang may tunay na halaga? Nangangahulugan ito na ang batayan ng iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at ng iyong asal at mga kilos, ay hindi ang mga salita ng Diyos. Walang salita ng Diyos ang nagsisilbing batayan ng iyong pagtingin sa mga tao at bagay o ng iyong pananaw sa pag-asal at mga pagkilos. Nalilito ka sa buhay mo, walang tumutulong sa iyo, at kapag mas nahaharap ka sa isang isyu, isang isyu na hinihingi sa iyo na ipahayag mo ang iyong mga pananaw, prinsipyo, at opinyon, mas nahahalata ang iyong pagiging mangmang, hangal, hungkag, at ang iyong kawalan ng kakayahan. Sa mga normal na sitwasyon, nagagawa mong magbanggit ng ilang tamang doktrina at salawikain, na para bang naunawaan mo ang lahat. Ngunit kapag may lumitaw na problema, at may taong seryosong lumapit sa iyo para hikayatin kang ipahayag ang iyong posisyon at sabihin kung ano ang opinyon mo, wala kang masasabi. Sasabihin ng ilan, “Walang masasabi? Hindi ganoon iyon—hindi lang ako maglalakas-loob na magsalita.” Bakit hindi ka maglalakas-loob? Pinatutunayan niyon na hindi ka sigurado kung tama ang ginagawa mo. Bakit hindi ka sigurado roon? Dahil noong ginagawa mo ang bagay na iyon, hindi mo kailanman kinumpirma kung ano ang batayan ng ginagawa mo, o kung ano ang iyong mga prinsipyo sa paggawa nito, o siyempre, kung tinitingnan at ginagawa mo ba ang usapin ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Kaya, kapag may nangyayaring problema, nagmumukha kang alangan at inutil. Hindi kumbinsido ang ilang tao. Sinasabi nila, “Hindi ako ganoon. Nagkolehiyo ako. May master’s degree ako,” o “Isa akong dalubhasa sa pilosopiya, isang propesor, isang mahusay na intelektuwal,” o “Isa akong sibilisadong tao. Mapagkakatiwalaan ang mga salita ko,” o “Isa akong matalinong iskolar,” o “May talento ako.” May anumang silbi ba sa iyo ang pagyayabang sa mga bagay na ito? Hindi kumakatawan ang mga ito sa kahusayan mo. Sa pinakamainam, ang mga bagay na ito ay nangangahulugan na mayroon kang kaunting kaalaman. Mahirap masabi kung magiging kapaki-pakinabang iyon sa sambahayan ng Diyos, ngunit kahit papaano ay siguradong ang kaalaman mong iyon ay hindi katulad ng katotohanan, at hindi nito sinasalamin ang iyong tayog. Ano ang ibig sabihin ng hindi sinasalamin ng iyong kaalaman ang iyong tayog? Hindi mo buhay ang mga gayong bagay; labas ang mga iyon sa iyong katawan. Ano, kung gayon, ang iyong buhay? Ito ay isang buhay na ang batayan at mga pamantayan ay ang lohika at pilosopiya ni Satanas, at kahit na ganyan ang antas ng iyong kaalaman, kultura, at talino, hindi mo masusupil ang mga bagay na ito o makokontrol ang mga ito. Kaya, kapag may nangyayaring problema, wala man lang magiging silbi ang iyong talento at talino at ang iyong napakaraming kaalaman—o maaaring kapag lumabas ang isang aspekto ng iyong tiwaling disposisyon, wala man lang magiging silbi sa iyo ang iyong pasensiya, modo, kaalaman, at iba pa. Kapag nagkagayon ay madarama mong wala kang magagawa. Ang lahat ng bagay na ito ay ang mga nakakailang na paraan kung paano nagpapamalas sa tao ang hindi paghahangad sa katotohanan at kawalan ng pagpasok sa katotohanang realidad. Madali bang pumasok sa katotohanan? May hamon ba rito? Saan? Walang hamon, kung Ako ang tatanungin mo. Huwag tumuon sa pagpapasya o pangangako. Walang silbi ang mga iyon. Kung may oras kang magpasya at mangako, gamitin na lang ang oras na iyon sa pagsisikap sa mga salita ng Diyos. Pag-isipan kung ano ang sinasabi ng mga ito, kung aling bahagi ng mga ito ang nauugnay sa iyong kasalukuyang kalagayan. Walang silbi ang magpasya. Maaari mong biyakin ang iyong ulo at hayaang umagos ang dugo, maaari kang magpasya, ngunit wala pa rin itong magiging silbi. Hindi nito malulutas ang anumang problema. Malalansi mo ang tao at mga demonyo nang ganoon, ngunit hindi mo malalansi ang Diyos. Hindi ikinasisiya ng Diyos ang kalooban mong iyon. Gaano karaming beses mo nang itinakda ang iyong kalooban? Nangangako ka, pagkatapos ay binabawi mo ang mga ito, at pagkatapos mong bawiin ang mga ito, nangangako ka ulit, at binabawi mo ulit ang mga ito. Nagiging anong klaseng tao ka dahil doon? Kailan mo tutuparin ang sinasabi mo? Hindi mahalaga kung tinutupad mo ang sinasabi mo, o kung itinatakda mo ang iyong kalooban. Wala ring halaga kung nangangako ka. Ano ang mahalaga? Ang mahalaga ay isagawa mo ang katotohanang nauunawaan mo ngayon mismo, agad-agad. Kahit na ito ang pinakahalatang katotohanan, ang katotohanang pinakahindi napapansin ng iba at ikaw mismo ay pinakahindi ito binibigyang-diin, isagawa mo ito kaagad—pasukin mo ito kaagad. Kung gagawin mo ito, mapapasok mo kaagad ang katotohanang realidad, at kaagad kang makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Malapit ka nang maging isang taong naghahangad sa katotohanan. Sa pundasyong iyon, malapit ka nang maging isang taong tinitingnan ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos, nang ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Napakalaking ani niyon—napakalaking halaga!

Pagkatapos magbahagi sa mga kasabihan tungkol sa mabuting pag-uugali sa tradisyonal na kultura, nagkamit ba kayo ng anumang pagkaunawa sa mga ito? Paano ninyo dapat harapin ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali? Maaaring sabihin ng ilang tao, “Simula sa araw na ito, hindi na ako magiging isang taong may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, o magalang. Hindi na ako magiging isang taong matatawag na ‘mabuti’; hindi na ako magiging isang taong ipinagpipitagan ang matatanda o inaalagaan ang mga bata; hindi na ako magiging isang taong magiliw at madaling lapitan. Wala ni isa man diyan ang natural na pagbuhos ng normal na pagkatao; ito ay mapanlinlang na pag-uugali na hindi totoo at huwad, at hindi ito pumapantay sa antas ng pagsasagawa ng katotohanan. Magiging anong uri ako ng tao? Ako ay magiging isang matapat na tao; magsisimula ako sa pagiging isang tapat na tao. Sa aking pananalita, maaaring hindi ako edukado, hindi nakakaunawa ng mga tuntunin, kulang sa kaalaman, at hinahamak ng iba, ngunit magsasalita ako nang diretsahan, may sinseridad, at walang pagkukunwari. Bilang isang tao at sa aking mga kilos, hindi ako magiging huwad at hindi ako magkukunwari. Tuwing magsasalita ako, magmumula iyon sa puso—sasabihin ko ang nasa aking kalooban. Kung may galit ako sa isang tao, susuriin ko ang aking sarili at hindi ako gagawa ng anumang makakasakit sa kanya; gagawa lamang ako ng mga bagay na makakatulong. Kapag magsasalita ako, hindi ko isasaalang-alang ang sarili kong pakinabang, ni hindi ako mapipigilan ng aking reputasyon o karangalan. Bukod pa riyan, hindi ako magkakaroon ng layon na pataasin ang tingin sa akin ng mga tao. Ang pahahalagahan ko lamang ay kung masaya ba ang Diyos. Ang hindi pananakit sa mga tao ang aking magiging panimulang batayan. Ang gagawin ko ay isasagawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos; hindi ako gagawa ng mga bagay na makakasakit sa iba, ni hindi ako gagawa ng mga bagay na makakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Gagawin ko lamang ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iba, magiging isang matapat na tao lamang ako, at isang taong nagpapasaya sa Diyos.” Hindi ba ito pagbabago sa isang tao? Kung talagang isasagawa niya ang mga salitang ito, talagang magbabago na siya. Ang kanyang kinabukasan at kapalaran ay bubuti na. Hindi maglalaon ay tatahakin na niya ang landas ng paghahangad sa katotohanan, papasok sa realidad ng katotohanan, at magiging isang taong may pag-asang maligtas. Ito ay mabuting bagay, isang positibong bagay. Hinihingi ba nito na itakda mo ang iyong kalooban o na ikaw ay mangako? Wala itong hinihingi: Hindi ang itakda ang iyong kalooban sa Diyos; o na suriin mo ang iyong mga naunang paglabag, pagkakamali, at paghihimagsik, magmadaling magtapat sa Diyos at hingin ang Kanyang kapatawaran. Hindi na kailangan ang mga gayong pormalidad. Magsabi ka lang ng isang bagay na totoo at mula sa puso, ngayon mismo, agad-agad, at kumilos ka nang taos-puso, nang walang mga kasinungalingan o panlalansi. Pagkatapos ay may matatamo ka na, at magkakaroon ka ng pag-asang maging isang matapat na tao. Kapag naging matapat na tao ang isang tao, nakakamit na niya ang katotohanang realidad at nagsisimula na siyang mamuhay bilang isang tao. Ang tulad niya ang sinasang-ayunan ng Diyos. Walang pag-aalinlangan dito.

Pebrero 5, 2022

Talababa:

a. Si Kong Rong ay itinatampok sa isang kilalang kuwentong Chinese, na tradisyunal na ginagamit para turuan ang mga bata tungkol sa mga kahalagahan ng kagandahang-loob at pagmamahal sa kapatid. Isinasalaysay ng kuwento kung paanong, nang tumanggap ng isang basket ng mga peras ang kanyang pamilya, ipinamigay ng apat-na-taong-gulang na si Kong Rong ang mas malalaking peras sa kanyang mga kuya at kinuha ang pinakamaliit para sa kanyang sarili.

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito