Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1

Ang pagbabahaginan ngayong araw ay tungkol sa isang paksang pamilyar sa lahat. Malaki ang kaugnayan nito sa pananalig ng tao sa Diyos at sa kanyang paghahangad, at ito ay isang paksang nararanasan at naririnig ng mga tao araw-araw. Kung gayon, ano ito? Ang paksa ay ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Ano ang palagay mo sa paksang ito? Interesante ba ito para sa iyo? Napupukaw ba nito ang atensiyon mo? Gaano man nakapupukaw ang paksang ito, alam Ko na may kaugnayan ito sa bawat isa sa inyo; may kaugnayan ito sa kaligtasan ng mga tao, sa kanilang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at sa pagbabago ng kanilang disposisyon, at sa kanilang kahihinatnan at kahahantungan sa hinaharap. Karamihan sa inyo ay handa na ngayong hangarin ang katotohanan at namulat na, ngunit hindi kayo gaanong sigurado sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan o kung paano dapat hangarin ang katotohanan. Kaya nga kailangan nating magbahaginan tungkol sa paksang ito ngayong araw. Ang paghahangad sa katotohanan ay isang paksang madalas makaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay; ito ay isang praktikal na problemang kinakaharap ng mga tao kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, habang gumaganap sila sa kanilang mga tungkulin, at iba pa. Kapag may nangyayari sa karamihan ng mga tao, gumagawa lamang sila ng sariling mga pagsisikap para basahin ang mga salita ng Diyos, at hindi nila hinahayaang maging negatibo ang kanilang mga iniisip, sa pag-asang sa pamamagitan niyon ay mapipigilan nila ang kanilang sarili na malugmok sa pagkanegatibo o sa mga maling pagkaunawa sa Diyos, at magawa nilang magpasakop sa Kanyang gawain. Ang mga taong mas mahusay ang kakayahan ay may kakayahang positibo at aktibong hangarin ang lahat ng aspeto ng katotohanan sa loob ng mga salita ng Diyos; hinahanap nila ang mga prinsipyo, mga hinihingi ng Diyos, at mga landas ng pagsasagawa. O nagagawa nilang suriin ang kanilang sarili, magbulay-bulay, at magtamo ng kaalaman sa pamamagitan ng mga bagay na nangyayari sa kanila, at sa gayon ay nauunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo at nakapapasok sa katotohanang realidad. Gayunpaman, nananatili itong isang malaking suliranin para sa karamihan ng mga tao, at hindi tiyak kung makakamtan nila ang mga bagay na ito. Karamihan ng mga tao ay hindi pa nakapapasok sa aspetong ito ng realidad. Kaya, hindi magiging madali para sa inyo na magkaroon ng isang praktikal, obhetibo, at tunay na pag-unawa sa ordinaryo, karaniwan, at partikular na paksang ito, kahit bigyan pa kayo ng panahon para pagbulayan iyon. Kaya, sa pagbabalik sa ating pangunahing paksa, magbahaginan tayo tungkol sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Hindi kayo bihasa sa pagbubulay-bulay, ngunit sana ay mahusay kayo sa pakikinig—hindi lamang gamit ang inyong mga tainga, kundi ang inyong puso. Sana ay taos mo itong uunawain at iintindihin, at isasapuso, bilang isang bagay na mahalaga, lahat ng kaya mong maintindihan, at lahat ng umaayon sa iyong kalagayan, sa iyong disposisyon, at sa bawat aspeto ng iyong sitwasyon. Pagkatapos niyon, sana ay sisimulan mong lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at sisikaping isapuso ang lahat ng prinsipyo ng pagsasagawa, upang kapag lumitaw ang nauugnay na mga isyu, mayroon ka ng landas na susundan, at magagawa mong tratuhin ang mga salita ng Diyos bilang isang landas ng pagsasagawa, at isakatuparan at sundin ang mga iyon bilang gayon. Iyon ang pinakamainam.

Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Maaaring ito ay isang konseptuwal na tanong, ngunit ito rin ang pinakapraktikal na tanong tungkol sa pananalig sa Diyos. Magagawa mang hangarin ng mga tao ang katotohanan o hindi ay direktang nakaugnay sa kanilang mga kagustuhan, kakayahan, at hinahangad. Ang paghahangad sa katotohanan ay sumasaklaw sa maraming praktikal na elemento. Dapat tayong magbahaginan tungkol sa mga ito nang paisa-isa, upang maunawaan ninyo ang katotohanan sa lalong madaling panahon, at malaman kung ano mismo ang kahulugan ng paghahangad nito at kung ano ang mga isyung nauugnay sa hangaring iyon. Sa gayong paraan, mauunawaan ninyo sa huli kung ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Una, talakayin natin ito: hinahangad ba ninyo ang katotohanan sa pakikinig sa sermong ito? (Hindi talaga.) Ang pakikinig sa mga sermon ay isa lamang paunang kailangan at paghahanda sa paghahangad sa katotohanan. Ano ang mga elementong sangkot sa paghahangad sa katotohanan? Maraming paksang tumatalakay sa paghahangad sa katotohanan, at natural na marami ring problemang umiiral sa mga tao na kailangan nating talakayin dito. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Kung ang isang tao ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at nagbabahagi tungkol sa katotohanan araw-araw, kung nagagawa niya nang normal ang kanyang tungkulin, kung ginagawa niya ang anumang isinasaayos ng iglesia, at hindi kailanman nagsasanhi ng kaguluhan o pagkagambala—at bagama’t maaaring may mga pagkakataon na nalalabag niya ang mga katotohanang prinsipyo, hindi naman niya iyon ginagawa nang kusa o sinasadya—hindi ba’t ipinapakita nito na hinahangad niya ang katotohanan?” Magandang tanong ito. Maraming tao ang may ganitong ideya. Una sa lahat, dapat ninyong maunawaan kung magagawa ba ng isang tao na magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan at makamit ang katotohanan sa pamamagitan ng palagiang pagsasagawa sa ganitong paraan. Ibahagi ninyo ang mga iniisip niyo. (Bagama’t tama ang pagsasagawa sa ganitong paraan, tila mas alinsunod ito sa ritwal na panrelihiyon—pagsunod ito sa mga tuntunin. Hindi ito hahantong sa pagkaunawa sa katotohanan o sa pagkakamit ng katotohanan.) Kaya, anong uri talaga ng mga pag-uugali ang mga ito? (Ang mga ito ay paimbabaw na mabubuting pag-uugali.) Gusto Ko ang sagot na iyan. Mabubuting pag-uugali lamang ang mga iyon na lumilitaw matapos manalig ang tao sa Diyos, sa pundasyon ng konsiyensiya at katwiran ng taong iyon, sa sandaling maimpluwensiyahan sila ng iba’t ibang mabubuti at positibong katuruan. Ngunit mabubuting pag-uugali lamang ang mga iyon, at malayo ang mga ito sa paghahangad sa katotohanan. Ano, kung gayon, ang ugat ng mabubuting pag-uugaling iyon? Ano ang sanhi ng mga iyon? Nagmumula ang mga iyon sa konsiyensiya at katwiran ng isang tao, sa kanyang moralidad, sa kanyang magagandang damdamin tungkol sa pananalig sa Diyos, at sa kanyang pagpipigil sa sarili. Dahil nga mabubuting pag-uugali ang mga iyon, walang kaugnayan ang mga iyon sa katotohanan, at hinding-hindi magkapareho ang mga iyon. Ang pagtataglay ng mabubuting pag-uugali ay hindi kapareho ng pagsasagawa ng katotohanan, at kung ang isang tao ay may maayos na pag-uugali, hindi ito nangangahulugan na may pagsang-ayon siya ng Diyos. Ang mabubuting pag-uugali at ang pagsasagawa ng katotohanan ay magkaiba—walang kinalaman ang mga ito sa isa’t isa. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hinihingi ng Diyos at ganap itong naaayon sa Kanyang mga layunin; ang mabuting pag-uugali ay nagmumula sa kalooban ng tao at taglay nito ang mga intensiyon at motibo ng isang tao—ito ay isang bagay na itinuturing ng tao na mabuti. Bagama’t ang mabubuting pag-uugali ay hindi masasamang gawa, sumasalungat ito sa mga katotohanang prinsipyo at walang kinalaman sa katotohanan. Gaano man kabuti ang mga pag-uugaling ito, o gaano man naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang mga ito, walang kaugnayan sa katotohanan ang mga ito. Kaya kahit gaano pa karami ang mabubuting pag-uugali ay hindi nito matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Dahil pinapakahulugan ang mabubuting pag-uugali sa ganitong paraan, malinaw na walang kaugnayan ang mabubuting pag-uugali sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang mga tao ay ibubukod-bukod sa mga uri ayon sa kanilang pag-uugali, magiging mga kilos ng matatapat na trabahador lamang ang mabubuting pag-uugali na ito. Walang anumang kaugnayan ang mga ito sa pagsasagawa ng katotohanan o sa tunay na pagpapasakop sa Diyos. Isang uri lamang ng pag-uugali ang mga ito, at ganap na walang kaugnayan sa pagbabago ng disposisyon ng mga tao, sa kanilang pagpapasakop at pagtanggap sa katotohanan, sa takot sa Diyos at pagwawaksi sa kasamaan, o sa anumang iba pang praktikal na mga elemento na tunay na kinasasangkutan ng katotohanan. Kaya, bakit tinatawag na magagandang pag-uugali ang mga ito, kung gayon? Narito ang isang paliwanag, at natural na isa rin itong paliwanag tungkol sa diwa ng tanong na ito. Ang mga pag-uugaling ito ay nagmumula lamang sa mga haka-haka ng mga tao, sa kanilang mga kagustuhan, sa kanilang pagkukusa, at sa kanilang mga sariling motibo. Ang mga iyon ay hindi pagpapamalas ng pagsisisi na kasama ng tunay na pagkakilala sa sarili sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, ang mga ito ay hindi rin mga pag-uugali o kilos ng pagsasagawa ng katotohanan na lumilitaw kapag sinusubukan ng mga taong magpasakop sa Diyos. Nauunawaan ba ninyo ito? Ibig sabihin, ang mabubuting pag-uugaling ito ay hindi kinasasangkutan ng anumang pagbabago sa disposisyon ng isang tao, o kung ano ang bunga ng pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, o ang tunay na pagsisisi na nagmumula sa pagkakilala sa sariling tiwaling disposisyon ng isang tao. Tiyak na hindi ito nauugnay sa tunay na pagpapasakop ng tao sa Diyos at sa katotohanan; lalong hindi nauugnay ang mga ito sa pagkakaroon ng isang pusong may takot at pagmamahal sa Diyos. Ang mabubuting pag-uugali ay wala talagang kinalaman sa mga bagay na ito; isang bagay lamang ang mga ito na nagmumula sa tao at isang bagay na itinuturing ng tao na mabuti. Subalit maraming tao na nakikita ang mabubuting pag-uugaling ito bilang tanda na ang isang tao ay nagsasagawa ng katotohanan. Malaking pagkakamali ito, ito ay kakatwang pananaw at pagkaunawa. Ang mabubuting pag-uugaling ito ay pagtatanghal lamang ng seremonyang panrelihiyon, isang paraan para iraos lang ang mga bagay-bagay. Walang anumang kaugnayan ang mga ito sa pagsasagawa ng katotohanan. Maaaring hindi tahasang kinokondena ng Diyos ang mga ito, ngunit hinding-hindi Niya sinasang-ayunan ang mga ito; tiyak iyon. Dapat ninyong malaman na ang panlabas na mga pagkilos na ito na naaayon sa mga haka-haka ng tao at ang magagandang pag-uugaling ito ay hindi ang pagsasagawa ng katotohanan, ni hindi pagpapakita ang mga ito ng paghahangad sa katotohanan. Ngayong narinig na ninyo ang pagbabahaging ito, mayroon lamang kayong kaunting konseptuwal na kaalaman tungkol sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, isang pangunang pag-unawa sa simpleng konsepto ng paghahangad sa katotohanan. Kung nais ninyong tunay na maunawaan ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, mas marami pa tayong kailangang pagbahaginan.

Para hangarin ang katotohanan, kailangan itong maunawaan ng isang tao; sa pag-unawa lamang sa katotohanan ito maisasagawa ng isang tao. May kaugnayan ba ang magagandang pag-uugali ng mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan? Nagmumula ba ang magagandang pag-uugali sa paghahangad sa katotohanan? Anong mga pagpapamalas at pagkilos ang nabibilang sa pagsasagawa ng katotohanan? Anong mga pagpapamalas ang taglay ng mga taong naghahangad sa katotohanan? Kailangan mong maunawaan ang mga tanong na ito. Upang makapagbahagi tungkol sa mga paghahangad ng katotohanan, kailangan muna nating pag-usapan ang mga suliranin at maling pananaw ng mga tao tungkol doon. Mahalagang lutasin muna ang mga ito. May ilang tao na dalisay ang pang-unawa, na medyo may malinaw na pananaw tungkol sa kung ano ang katotohanan. Mayroon silang landas na tinatahak sa paghahangad sa katotohanan. May iba pa na hindi nauunawaan kung ano ang katotohanan, at bagama’t interesado sila rito, hindi nila alam kung paano ito isasagawa. Naniniwala sila na ang paggawa ng mabubuting bagay at pagkilos nang maayos ay kapareho ng pagsasagawa ng katotohanan—na ang pagsasagawa ng katotohanan ay paggawa ng mabubuting bagay. Kapag nabasa nila ang maraming salita ng Diyos, saka lamang nila natatanto na ang paggawa ng mabubuting bagay at pagkilos nang maayos ay ganap na naiiba sa pagsasagawa ng katotohanan. Nakikita mo kung gaano kakatwa ang mga haka-haka at imahinasyon ng mga tao—yaong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay hindi nakikita nang malinaw ang anumang bagay! Maraming taong gumanap na ng kanilang tungkulin sa loob ng maraming taon, nagpapakaabala sila araw-araw, at hindi lamang iilan ang pinagdaanan nilang hirap, kaya ipinagpapalagay nila ang kanilang sarili na mga taong nagsasagawa ng katotohanan, at nagtataglay ng katotohanang realidad. Gayunpaman, hindi sila makapagbigay ng anumang patotoo tungkol sa kanilang karanasan. Ano ang problema rito? Kung nauunawaan nila ang katotohanan, bakit hindi nila maikuwento ang kanilang mga aktuwal na karanasan? Hindi ba’t isa itong kontradiksyon? Sinasabi ng ilang tao, “Noong ginagampanan ko ang aking tungkulin dati, hindi ko hinangad ang katotohanan, at hindi ko lubusang binasa bilang panalangin ang mga salita ng Diyos. Nagsayang ako ng maraming panahon. Abalang-abala ako sa aking gawain, inakala kong ang pananatiling abala sa aking tungkulin ay kapareho ng pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa gawain ng Diyos—ngunit sinasayang ko lang ang aking oras.” Ano ang ipinahihiwatig dito? Na ipinagpapaliban nila ang paghahangad sa katotohanan dahil abalang-abala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Gayon ba talaga ang sitwasyon? Naniniwala ang ilang kakatwang tao na basta’t nananatili silang abala sa kanilang tungkulin, wala nang pagkakataong malantad ang kanilang tiwaling disposisyon, na hindi na sila maglalantad ng tiwaling disposisyon o mamumuhay sa tiwaling kalagayan, at samakatwid, hindi na nila kailangang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos para lutasin ang kanilang tiwaling disposisyon. Tama ba ang ideyang ito? Talaga bang hindi naglalantad ng mga tiwaling disposisyon ang mga tao kapag abala sila sa kanilang mga tungkulin? Walang lohika ang ideyang ito—malinaw na kasinungalingan ito. Sinasabi nila na wala silang oras para hangarin ang katotohanan dahil abala sila sa kanilang tungkulin. Pawang kabalintunaan ito; ginagawa nilang katwiran ang pagiging abala. Nagbahaginan na tayo nang maraming beses tungkol sa mga katotohanan sa pagpasok sa buhay at pagganap ng tungkulin: Lalago lamang ang mga tao sa buhay sa paghahanap sa katotohanan para malutas ang mga problema habang gumaganap ng tungkulin. Samakatwid, kung ang tanging ginagawa ng isang tao habang nagsasagawa ng kanyang tungkulin ay ang magpakaabala sa mga gawain, kung hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema, hindi nila mauunawaan ang katotohanan kailanman. Ang ilang taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay kontento na sa pagtatrabaho, at umaasa na maipagpapalit nila iyon sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Sa huli ay nagdadahilan sila na abalang-abala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin kaya wala silang oras para hangarin ang katotohanan; sinasabi pa nila na abalang-abala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin na hindi sila nakapaglalantad ng tiwaling disposisyon. Nagpapahiwatig ito na dahil abala sila sa kanilang tungkulin, nawala na ang kanilang tiwaling disposisyon, na naglaho na iyon. Kasinungalingan ito, hindi ba? Umaayon ba sa mga katotohanan ang sinasabi nila? Hinding-hindi—maaari itong matawag na pinakamalaking kasinungalingan sa lahat. Paanong hindi malalantad ang tiwaling disposisyon nang dahil sa abala ang isang tao sa kanyang tungkulin? May mga tao bang ganoon? May ganoon bang mga patotoo ng karanasan? Tiyak na wala. Lubha nang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao; lahat sila ay may satanikong kalikasan, at nabubuhay silang lahat sa mga satanikong disposisyon. Mayroon bang anumang positibo sa kalooban ng tao, anumang bagay maliban sa katiwalian? Mayroon bang isinilang na walang tiwaling disposisyon? Mayroon bang isinilang na kaya nang gumanap ng tungkulin nang may katapatan? Mayroon bang isinilang na kaya nang magpasakop sa Diyos at mahalin Siya? Walang-wala. Dahil lahat ng tao ay may satanikong kalikasan at puno ng mga tiwaling disposisyon, kung hindi nila maunawaan at maisagawa ang katotohanan, maaari lamang silang mamuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, kakatwa at maling sabihin na ang isang tao ay hindi maglalantad ng tiwaling disposisyon kung mananatili siyang abala sa kanyang tungkulin. Malinaw na kasinungalingan ito para linlangin ang mga tao. Abala man sila sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin o hindi, may oras man silang magbasa ng mga salita ng Diyos o wala, ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay makahahanap ng mga dahilan para hindi hangarin ito. Malinaw na ang mga taong ito ay mga trabahador. Kung ang isang trabahador ay hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at hindi tinatanggap ang katotohanan, magagawa ba nilang magtrabaho nang maayos? Tiyak na hindi. Lahat ng hindi tumatanggap sa katotohanan ay walang konsiyensiya at katwiran, sila ay mga taong mamumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon at gagawa ng napakaraming kasamaan. Tiyak na hindi sila matatapat na trabahador, at kahit nagtatrabaho man sila, walang anumang kahanga-hanga tungkol sa kanila. Makatitiyak kayo rito.

Ang ilang tao ay masyadong maraming responsabilidad sa kanilang pamilya at madalas silang mabalisa. Kapag nakakakita sila ng nakababatang mga kapatid na tinalikuran na ang kanilang pamilya at propesyon para sumunod sa Diyos at gumanap sa kanilang tungkulin, naiinggit sila sa mga ito at sinasabi nilang, “Naging mabait ang Diyos sa mga kabataang ito. Nagsimula silang manalig sa Kanya sa murang edad, bago sila nag-asawa at nagkaanak; wala silang mga responsabilidad sa pamilya at hindi nila kailangang mag-alala kung paano sila makararaos. Wala silang mga alalahanin na humahadlang sa kanila sa pagsunod sa Diyos at sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sakto lang ang dating nila para sa gawain ng Diyos at sa Kanyang pagpapalawak ng ebanghelyo sa mga huling araw—binigyan sila ng Diyos ng gayon kagagandang kalagayan. Maaari nilang gugulin ang kanilang sarili, ang kanilang katawan at kaluluwa, sa pagganap ng kanilang tungkulin. Maaari nilang hangarin ang katotohanan, ngunit hindi gayon ang kalagayan ko. Hindi nagsaayos ng angkop na sitwasyon ang Diyos para sa akin—napakarami kong responsabilidad sa aking pamilya, at kailangan kong kumita ng pera para suportahan sila. Iyon ang tunay kong mga problema. Kaya nga wala akong oras para hangarin ang katotohanan. Ang paghahangad sa katotohanan ay para sa mga tao na gumaganap ng kanilang tungkulin nang buong panahon at wala ng mga responsabilidad na ito. Marami akong pinapasan na responsabilidad sa aking pamilya, at ang puso ko ay puno ng mga di-gaanong mahalagang bagay para makaraos, kaya wala akong panahon o lakas para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o gumanap ng aking tungkulin. Anumang aspeto ng aking sitwasyon ang iyong tingnan, walang paraan para hangarin ko ang katotohanan. Hindi mo ako masisisi roon. Talagang hindi ko tadhanang hangarin ang katotohanan, at hindi ako tinutulutan ng aking sitwasyon na gumanap ng isang tungkulin. Ang tanging magagawa ko ay maghintay na humupa ang mga responsabilidad ko sa aking pamilya, na matutong mamuhay nang mag-isa ang aking mga anak, at na magretiro ako at maging malaya sa aking mga materyal na alalahanin—tapos ay mahahangad ko na ang katotohanan.” Ang ganitong mga tao ay dumaranas ng hirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at maaari nilang madama paminsan-minsan na nagpapamalas ang kanilang tiwaling disposisyon sa mga di-gaanong mahalagang usapin sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Nahahalata nila ang mga bagay na ito, ngunit dahil nahuhuli sila sa mga bitag ng sekular na mundo, naniniwala silang nasa maayos silang kalagayan sa pamamagitan ng pamumuhay, pananalig sa Diyos, pakikinig sa mga sermon, at na nakararaos sila nang maginhawa sa ganitong paraan. Naniniwala sila na makapaghihintay ang paghahangad sa katotohanan, at na hindi pa magiging huli ang lahat pagkaraan ng ilang taon para lutasin ang anumang tiwaling disposisyong mayroon sila. Ganyan nila ipinagpapaliban ang dakilang bagay na paghahangad sa katotohanan, at paulit-ulit nila itong ipinagpapaliban. Ano ang palagi nilang sinasabi? “Hindi pa huli ang lahat para hangarin ang katotohanan. Magpapalipas muna ako ng ilang taon. Hangga’t hindi pa natatapos ang gawain ng Diyos, may panahon pa ako—may pagkakataon pa ako.” Ano ang palagay niyo sa pananaw na ito? (Mali ito.) Inako na ba nila ang pasanin ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Anong pasanin na ang inako nila, kung gayon? Hindi ba’t ito ang pasanin na makaraos, na tustusan ang kanilang pamilya, na palakihin ang kanilang mga anak? Inilalaan nila ang buong lakas nila sa kanilang mga anak, sa kanilang mga pamilya, sa sarili nilang mga araw at buhay, at pagkatapos maasikaso ang mga bagay na ito ay saka lamang sila magpaplanong magsimula na hangarin ang katotohanan. Kaya, wasto ba ang mga dahilan nilang ito? Hindi ba’t mga balakid ang mga ito sa paghahangad nila sa katotohanan? (Tama.) Habang naniniwala ang mga taong ito sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, nagrereklamo rin sila sa kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa kanila. Binabalewala nila ang mga hinihingi ng Diyos at hindi talaga sila aktibong nakikipagtulungan sa mga ito. Sa halip, nais lamang nilang bigyang-kasiyahan ang kanilang laman, kanilang pamilya, at mga kamag-anak. Ano ang idinadahilan nila sa hindi paghahangad ng katotohanan? “Masyado na kaming abala at pagod sa pagsisikap pa lamang na mabuhay. Wala na kaming oras para hangarin ang katotohanan; wala kami ng tamang kapaligiran para hangarin ang katotohanan.” Ano ang kanilang pananaw? (Hindi pa huli ang lahat para hangarin ang katotohanan.) “Hindi pa huli ang lahat para hangarin ang katotohanan. Gagawin ko ito pagkaraan ng ilang taon.” Hindi ba’t kalokohan ito? (Oo.) Kalokohan ito—niloloko nila ang sarili nila sa kanilang mga pagdadahilan. Hihintayin ka ba ng gawain ng Diyos? (Hindi.) “Gagawin ko ito pagkaraan ng ilang taon”—ano ang ibig sabihin ng “ilang taon” na iyon? Ang ibig sabihin niyon ay mas maliit ang pag-asa mong maligtas at mas kakaunti ang mga taon mo para maranasan ang gawain ng Diyos. Lilipas nang ganito ang ilang taon, pagkatapos ay ilan pang taon, at bago mo pa mamalayan, lumipas na ang sampung taon, at hindi mo pa talaga nauunawaan ang katotohanan o napapasok ang katotohanang realidad, at hindi pa nalulutas ni isang hibla ng iyong tiwaling disposisyon. Sa pagsasalita lamang ng isang matapat na salita ay nahihirapan ka na. Hindi ba ito mapanganib? Hindi ba ito kaawa-awa? (Oo.) Kapag nagdadahilan at nangangatwiran ang mga tao nang ganito para pangatwiranan ang hindi paghahangad ng katotohanan, sino ba ang ipinapahamak nila, sa huli? (Sarili nila.) Tama—sa huli, sarili nila ang ipinapahamak nila. At kapag naghihingalo na sila, kamumuhian nila ang kanilang sarili dahil hindi nila natamo ang katotohanan sa lahat ng taon ng pananalig nila sa Diyos, at magsisisi sila habambuhay!

Medyo mataas ang pinag-aralan ng ilang tao, ngunit mahina ang kanilang kakayahan at wala silang espirituwal na pang-unawa. Gaano man karaming sermon ang pakinggan nila, hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Lagi silang may sariling mga ambisyon at pagnanasa, at lagi silang nakikipaglaban para sa katayuan. Kung wala silang katayuan, hindi nila hahangarin ang katotohanan. Sinasabi nila, “Hindi kailanman nagsasaayos ang sambahayan ng Diyos na gumanap ako ng isang tungkulin na nagpapakita ng aking kahalagahan, gaya ng tekstuwal na gawain, gawain sa AV, pagiging isang lider ng iglesia, o pagiging superbisor ng isang grupo. Hindi nila ako binibigyan ng gayong mahahalagang gawain. Hindi ako itinataas ng ranggo o nililinang ng sambahayan ng Diyos, at tuwing nagdaraos ng halalan ang iglesia, walang bumoboto sa akin, at walang may gusto sa akin. Talaga bang wala akong kanais-nais na mga katangian? Isa akong intelektuwal, may mataas na pinag-aralan, ngunit hindi ako kailanman itinataas ng ranggo o nililinang ng sambahayan ng Diyos, kaya wala akong motibasyon na hangarin ang katotohanan. Lahat ng kapatid na halos kasabayan ko nang nagsimula akong manalig sa Diyos ay gumaganap ng mahahalagang tungkulin, at naglilingkod bilang mga lider at manggagawa—bakit naiwan akong walang ginagawa? Nagiging tagasuporta lamang ang tungkulin ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo paminsan-minsan, at hindi rin nila ako hinahayaang magpatotoo. Tuwing itinataas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos ang mga tao sa mahahalagang tungkulin, walang para sa akin; ni hindi ako pinapayagang mamuno sa mga pagtitipon, at hindi nila ako binibigyan ng anumang responsabilidad. Pakiramdam ko ay labis akong naaagrabyado. Ito ang kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa akin. Bakit hindi ko maramdaman ang kahalagahan ng buhay ko? Bakit mahal ng Diyos ang iba pero hindi ako? Bakit Niya nililinang ang iba pero hindi ako? Dapat akong bigyan ng sambahayan ng Diyos ng dagdag na pasanin, at gawin akong superbisor o kung ano man. Sa gayon, magkakaroon ako ng kaunting motibasyon para hangarin ang katotohanan. Paano ko hahangarin ang katotohanan kung wala akong motibasyon? Laging kailangan ng mga tao ng kaunting motibasyon para hangarin ang katotohanan; kailangan nating makita ang mga pakinabang ng paghahangad nito. Alam ko na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao na kailangang baguhin, at alam ko na ang paghahangad ng katotohanan ay isang mabuting bagay, na tinutulutan tayo nitong mailigtas at maperpekto—ngunit hindi ako ginagamit kailanman para sa anumang mahalaga, at wala akong nadaramang insentibo para hangarin ang katotohanan! Sisimulan kong hangarin ang katotohanan kapag iginalang at sinuportahan na ako ng mga kapatid—kapag nagkagayon na ay hindi pa magiging huli ang lahat.” Hindi ba’t may ganitong klase ng mga tao? (Mayroon.) Ano ang problema sa kanila? Ang problema ay nais nila ng katayuan at katungkulan. Malinaw na hindi sila mga nagmamahal sa katotohanan, gayunpaman ay ginugusto nila ang katayuan at ang mapabilang sa mga nagdedesisyon sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t kawalanghiyaan ito? Ayos na sa iyo ang maging trabahador; kakailanganin pang makita kung tataas ka man sa pagiging isang tapat na trabahador. Bakit hindi iyan malinaw sa iyo? Sa palagay mo ba kung may katayuan at katungkulan ka, maliligtas ka? Na magiging isa kang tao na naghahangad ng katotohanan? Tama ba ang mga damdamin mong ito? (Hindi.) Nais ng mga taong ito na mamukod-tangi, na ipadama ang kanilang presensiya, at kapag hindi natugunan ang kanilang mga pagnanasa, nagrereklamo sila na hindi makatarungan ang Diyos, na mayroon Siyang kinikilingan sa pagtrato Niya sa mga tao, na hindi sila itinataas ng ranggo ng Kanyang sambahayan, na hindi sila inihahalal ng mga kapatid—tiyak naman na hindi ang mga bagay na ito ang pundasyong kailangan upang hangarin ng isang tao ang katotohanan? Sinasabi ba kahit saan sa mga salita ng Diyos na ang naghahangad ng katotohanan ay kailangang tanggapin ng lahat at igalang ng kanilang mga kapatid? O na kailangang magawa nilang umako ng mahalagang tungkulin at gumawa ng mahalagang gawain, at makagawa rin ng malaking kontribusyon sa sambahayan ng Diyos? Sinasabi ba ng mga salita ng Diyos na ang gayong mga tao lamang ang maaaring maghangad ng katotohanan, na sila lamang ang angkop na maghangad ng katotohanan? Sinasabi ba ng Kanyang mga salita na ang mga taong iyon lamang ang pasok sa mga pamantayan ng paghahangad sa katotohanan, na sila lamang ang makapapasok sa katotohanang realidad, o na sa huli, sila lamang ang maliligtas? Nakasulat ba ito sa kahit saan sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Malinaw na ang mga pahayag ng ganitong uri ng tao ay hindi tama. Kaya, bakit nila sinasabi ang mga bagay na ito? Hindi ba sila nagdadahilan sa hindi paghahangad ng katotohanan? (Oo.) Mahilig sila sa katayuan at kabantugan. Ang mahalaga lamang sa kanila ay ang maghabol ng magandang reputasyon at personal na pakinabang at maghangad ng katayuan sa kanilang pananalig sa Diyos. Pakiramdam nila ay kahiya-hiyang sabihin ito nang malakas, kaya nakakaisip sila ng napakaraming katwiran, ipinagtatanggol nila ang kanilang sarili sa hindi paghahangad ng katotohanan at ipinapasa ang sisi sa iglesia, sa mga kapatid, at sa Diyos. Hindi ba’t masama ito? Hindi ba’t masasamang tao sila na naninisi ng mga inosenteng tao? (Gayon nga sila.) Gumagawa sila ng gulo nang wala sa katwiran at nililigalig ang iba sa mga kahilingan nilang hindi lohikal; ganap silang walang konsiyensiya o katwiran! Masama na nga ang hindi maghangad ng katotohanan, ngunit sinusubukan pa nilang makipagtalo at magpahirap—hindi talaga makatwiran iyan, hindi ba? Boluntaryo ang paghahangad sa katotohanan. Kung minamahal mo ang katotohanan, gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Kapag minamahal mo ang katotohanan, kapag nagdarasal at umaasa ka sa Diyos, at nagninilay-nilay sa iyong sarili at nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili anuman ang pang-uusig o pagdurusa ang sumapit sa iyo, at kapag aktibo mong hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema na natutuklasan mo sa iyong sarili at maayos kang makagaganap sa iyong tungkulin, makakapanindigan ka nang matatag sa iyong patotoo. Kapag mahal ng mga tao ang katotohanan, ang lahat ng mga pagpapamalas na ito ay magiging natural sa kanila. Gumagawa sila nang boluntaryo, nang nagagalak, at walang pamimilit, nang walang nakalakip na dagdag na mga kondisyon. Kung makasusunod sa Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, makakamit nila sa huli ang katotohanan at ang buhay, makapapasok sila sa katotohanang realidad, at maipamumuhay nila ang wangis ng tao. Kailangan mo ba ng anumang karagdagang mga kondisyon para hangarin ang katotohanan? Hindi. Ang pananalig sa Diyos ay boluntaryo, isang bagay ito na pinipili ng isang tao para sa kanyang sarili, at ang paghahangad sa katotohanan ay ganap na natural at may katwiran; sinang-ayunan ito ng Diyos. Yaong mga hindi naghahangad ng katotohanan ay ayaw talikuran ang mga kasiyahan ng laman at nais pa rin nilang matamo ang mga pagpapala ng Diyos, ngunit kapag nahaharap sila sa ilang pagdurusa at pang-uusig, o sa kaunting pangungutya at paninirang-puri, nagiging negatibo sila at mahina, at ayaw na nilang manalig sa Diyos o sundan Siya. Maaari pa nga nilang sisihin at tanggihan Siya. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Nais nilang mapagpala subalit naghahangad pa rin sila ng mga kasiyahan ng laman, at kapag naharap sa anumang mga paghihirap at pag-uusig, sinisisi nila ang Diyos. Ganyan katindi ang pagiging hindi makatwiran ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Mahihirapan silang sundan ang Diyos hanggang wakas; sa sandaling maharap sila sa ilang paghihirap o pang-uusig, malalantad sila at matitiwalag. Napakaraming tao ang ganito. Anuman ang iyong mga dahilan sa pananalig sa Diyos, sa huli ay pagpapasyahan ng Diyos ang iyong kalalabasan batay sa kung nakamit mo ba ang katotohanan. Kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, wala sa mga dahilan o palusot na sasabihin mo ang magiging makatwiran. Subukan mong mangatwiran hangga’t gusto mo; magpakabalisa ka kung gusto mo—may pakialam ba ang Diyos? Kakausapin ka ba ng Diyos? Makikipagdebate at makikipagtalakayan ba Siya sa iyo? Kokonsultahin ka ba Niya? Ano ang sagot? Hindi. Talagang hindi Niya gagawin iyon. Gaano ka man mangatwiran, hindi ito magiging katanggap-tanggap. Hindi ka dapat magkamali ng pag-unawa sa mga intensiyon ng Diyos, at isipin na kung makapagbibigay ka ng kung anu-anong dahilan at palusot ay hindi mo na kakailanganing hangarin ang katotohanan. Nais ng Diyos na mahanap mo ang katotohanan sa lahat ng kapaligiran at sa bawat bagay na sumasapit sa iyo, at sa wakas ay makapasok ka sa katotohanang realidad at makapagkamit ng katotohanan. Anuman ang sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa iyo, sinumang tao at anumang pangyayari ang nakakaharap mo, at anumang sitwasyong kinalalagyan mo, dapat kang magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan para makaya mong harapin ang mga ito. Ang mga ito mismo ang mga aral na dapat mong matutuhan sa paghahangad ng katotohanan. Kung lagi kang naghahanap ng mga palusot para makatakas, makaiwas, makatanggi, o labanan ang mga sirkumstansiyang ito, pababayaan ka ng Diyos. Wala nang dahilan pa para mangatwiran, o maging mailap o mahirap pakisamahan—kung wala nang pakialam ang Diyos sa iyo, mawawalan ka ng pagkakataong maligtas. Para sa Diyos, walang problemang hindi malulutas; gumawa na Siya ng mga pagsasaayos para sa bawat isang tao, at may paraan ng pagharap sa kanila. Hindi tatalakayin sa iyo ng Diyos kung ang mga dahilan at palusot mo ba ay makatwiran. Hindi makikinig ang Diyos kung rasyonal ba ang mga argumentong ginagamit mo para ipagtanggol ang sarili mo. Tatanungin ka lamang Niya, “Katotohanan ba ang mga salita ng Diyos? Mayroon ka bang tiwaling disposisyon? Dapat mo bang hangarin ang katotohanan?” Kailangan maging malinaw lamang sa iyo ang isang katunayan: Ang Diyos ang katotohanan, isa kang tiwaling tao, kaya nga dapat magkusa kang hanapin ang katotohanan. Walang problema o paghihirap, walang dahilan o palusot, ang katanggap-tanggap—kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, ikaw ay masasawi. Anumang halaga ang ibayad ng tao para hangarin ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad ay kapaki-pakinabang. Dapat bitiwan ng mga tao ang lahat ng kanilang pagdadahilan, ang kanilang mga pangangatwiran, at ang kanilang mga problema sa pagtanggap sa katotohanan at pagtatamo ng buhay, dahil ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang buhay na dapat nilang kamtin, at isang buhay ito na hindi maipagpapalit sa anuman. Kung makalagpas sa iyo ang oportunidad na ito, hindi mo lamang ito pagsisisihan habambuhay—hindi lamang ito usapin ng pagsisisi—mawawasak mo nang tuluyan ang iyong sarili. Wala nang magiging kahihinatnan o kahahantungan para sa iyo, at ikaw, na isang nilalang, ay darating na sa katapusan. Hindi ka na muling magkakaroon ng pagkakataon kailanman na maligtas. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Huwag kang magdahilan o mangatwiran sa hindi paghahangad ng katotohanan. Walang saysay ang mga ito; niloloko mo lamang ang sarili mo.

Ang ilang lider ay hindi gumagawa kailanman nang ayon sa mga prinsipyo, mga batas sila sa kanilang sarili, pabasta-basta sila at pabigla-bigla. Maaaring tukuyin ito ng mga kapatid, at sasabihin nilang, “Bihira kang kumonsulta bago ka kumilos. Hindi namin nalalaman ang iyong mga husga at desisyon hanggang sa magawa mo na ang mga iyon. Bakit hindi mo kinokonsulta ang mga ito sa iba? Bakit hindi mo sinasabi sa amin nang maaga kapag gumagawa ka ng desisyon? Kahit pa tama ang ginagawa mo at mas may kakayahan ka kaysa sa amin, dapat mo pa ring ipaalam muna iyon sa amin. Kahit papaano man lang, may karapatan kaming malaman kung ano ang nangyayari. Sa palagiang pagkilos na tila ikaw ang batas—tumatahak ka sa landas ng isang anticristo!” At ano ang maririnig mong isasagot ng lider doon? “Sa bahay ko, ako ang amo. Sa lahat ng bagay, malaki man o maliit, ako ang nagdedesisyon. Ganoon ang nakasanayan ko. Kapag may isyu ang sinuman sa mga kamag-anak ko, nilalapitan nila ako at ako ang pinagdedesisyon nila kung ano ang gagawin. Alam nilang lahat na magaling ako sa paglutas ng mga problema. Kaya nga ako ang namamahala sa mga usapin sa pamilya ko. Nang sumapi ako sa iglesia, inakala kong hindi ko na kailangang alalahanin pa ang mga bagay-bagay, ngunit nahirang akong lider. Hindi ko ito mapipigilan—ipinanganak ako na ganito ang kapalaran. Ibinigay sa akin ng Diyos ang kasanayang ito. Ipinanganak ako para magdesisyon at manguna sa mga pagpapasya para sa ibang tao.” Ang ipinahihiwatig dito ay na itinadhana siyang maging opisyal, at na ang ibang tao ay ipinanganak bilang mga alipin at munting kawal. Iniisip niya na siya dapat ang magpasya, at na dapat makinig sa kanya ang ibang tao. Kahit kapag nakikita ng mga kapatid ang problema sa lider na ito at tinutukoy ito sa kanya, hindi niya tatanggapin iyon, hindi rin niya tatanggapin ang mapungusan. Lalaban at tututol siya hanggang sa ipagsigawan ng mga kapatid na tanggalin na siya. Sa buong panahong ito, iisipin ng lider, “Sa kakayahang katulad ng sa akin, itinadhana akong mamahala saanman ako magpunta. Sa mga kakayahang katulad ng sa inyo, palagi kayong magiging mga alipin at utusan. Itinadhana kayong utus-utusan ng ibang tao.” Anong klaseng disposisyon ang inilalantad niya sa madalas na pagsasabi ng gayong mga bagay? Malinaw na ito ay isang tiwaling disposisyon, ito ay kayabangan, labis na pagtingin sa sarili, at sukdulang egotismo, subalit walang kahihiyan niyang ipinagyayabang at ipinangangalandakan ito na animo ay isa itong kalakasan at kapaki-pakinabang na katangian. Kapag naglalantad ng tiwaling disposisyon ang isang tao, dapat niyang pagnilayan ang kanyang sarili, alamin ang kanyang tiwaling disposisyon, dapat siyang magsisi, at maghimagsik laban dito, dapat niyang hangarin ang katotohanan hanggang sa makakilos siya ayon sa mga prinsipyo. Subalit, hindi gayon nagsasagawa ang lider na ito. Sa halip, hindi siya nagpapawasto, iginigiit niya ang sarili niyang mga pananaw at pamamaraan. Mula sa mga pag-uugaling ito, makikita mo na hindi niya talaga tinatanggap ang katotohanan at na hinding-hindi siya isang tao na naghahangad nito. Hindi siya nakikinig sa sinumang naglalantad at nagpupungos sa kanya, at sa halip ay punong-puno siya ng mga pangangatwiran para sa sarili: “Hmph—ganito lang talaga ako! Ang tawag dito ay galing at talento—mayroon ba nito ang sinuman sa inyo? Itinadhana akong mamahala. Saanman ako magpunta, isa akong lider. Sanay ako na ako ang nagpapasya at nagdedesisyon sa lahat ng bagay nang hindi kinokonsulta ang ibang tao. Ganoon lang talaga ako, ito ang personal na karisma ko.” Hindi ba’t sadyang kawalanghiyaan ito? Hindi niya inaamin na mayroon siyang tiwaling disposisyon, at malinaw na hindi niya kinikilala ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao. Bagkus, itinuturing niyang katotohanan ang kanyang mga maling pananampalataya at maling paniniwala, at sinisikap niyang hikayatin ang iba na tanggapin at hangaan ang mga ito. Sa kaibuturan niya, naniniwala siya na dapat siya ang mamuno sa sambahayan ng Diyos, hindi ang katotohanan, na siya ang dapat masunod doon. Hindi ba’t lubos na kawalanghiyaan ito? Sinasabi niyang gusto niyang hangarin ang katotohanan, ngunit ganap na kabaligtaran niyon ang pag-uugali niya. Sinasabi niyang nagpapasakop siya sa Diyos at sa katotohanan, ngunit gusto niyang gumamit palagi ng kapangyarihan, na siya ang may huling pasya, at magpasakop at sumunod sa kanya ang lahat ng kapatid. Hindi niya papayagan ang iba na pangasiwaan o payuhan siya, angkop o alinsunod man o hindi sa mga prinsipyo ang kanyang ginagawa. Sa halip, naniniwala siya na kailangang makinig at sumunod sa kanyang mga salita at desisyon ang lahat. Hindi man lang siya nagninilay-nilay sa kanyang mga ikinikilos. Paano man siya payuhan at tulungan ng mga kapatid, at paano man siya pinupungusan ng sambahayan ng Diyos, o kahit tanggalin pa siya nang ilang beses, hindi siya nagninilay-nilay sa kanyang mga problema. Sa bawat pagkakataon, pinanghahawakan niya ang linya niyang: “Sa bahay ko, ako ang amo. Ako ang gumagawa ng lahat ng desisyon. Sa lahat ng bagay, ako lamang ang may huling pasya. Diyan ako sanay, at hindi na iyon magbabago.” Hindi talaga siya makatwiran at hindi na matutubos! Pinalalaganap niya ang mga negatibong gawi na ito na parang mga positibong bagay ang mga ito, habang napakataas ng pagtingin niya sa kanyang sarili. Napakawalanghiya niya! Hindi talaga tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan at hindi na sila magpapawasto—kaya makatitiyak ka na hindi nila mahal o hinahangad ito. Sa puso nila, tutol sila sa katotohanan at galit sila rito. Lahat ng sakripisyo at hirap na pinagdaraanan nila para mabigyang-kasiyahan ang kanilang mga pagnanasa at magtamo sila ng katayuan ay walang saysay. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang anuman dito, kinasusuklaman Niya ito. Pagpapamalas ito ng kanilang pagsalungat sa katotohanan at paglaban sa Diyos. Lubos na makatitiyak dito ang isang tao, at makikilatis ito ng lahat ng nakauunawa sa katotohanan.

Mayroon ding ilang tao na maraming taon nang naniniwala sa Diyos, ngunit hindi nagtataglay ng anumang katotohanang realidad; maraming taon na silang nakikinig sa mga sermon, ngunit hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Bagama’t mahina ang kanilang kakayahan, mayroon silang mga “talento” na hindi mapapantayan: ang pagsisinungaling at ang pagtakpan ang mga ito, at panlilinlang at panloloko sa iba gamit ang mabulaklak na mga salita. Kung nagsasabi sila ng isang dosenang pangungusap, isang dosenang kasinungalingan ang nakapaloob sa mga iyon—bawat isa ay maglalaman ng karumihan. Sa mas tumpak na salita, wala silang sinasabing totoo. Ngunit dahil mahina ang kanilang kakayahan at mukhang maayos ang kanilang pag-uugali, iniisip nila, “Likas akong mahiyaing tao na walang malisya, at mahina ang kakayahan ko. Inaapi ako saanman ako magpunta, at kapag inaapi ako ng mga tao, kailangan ko lamang tiisin ito at magdusa. Hindi ako nangangahas na sumagut-sagot o lumaban sa kanila—ang tanging magagawa ko ay magtago, sumuko, at tanggapin ito. Ako ang ‘matapat ngunit ignoranteng tao’ na binabanggit ng mga salita Diyos, isa ako sa Kanyang mga tao.” Kung may magtanong sa kanila, “Kung gayon ay bakit ka nagsisinungaling?” Sasabihin nila, “Kailan ako nagsinungaling? Sino ang niloko ko? Hindi pa ako nagsinungaling! Paano ako magsisinungaling, samantalang tapat akong tao? Mabagal tumugon ang isip ko sa mga bagay-bagay, at wala akong gaanong pinag-aralan—hindi ako marunong magsinungaling! Ang mga taong iyon na mapanlinlang ay kayang bumuo ng masasamang ideya at pakana sa isang kisap-mata. Hindi ako ganyan katuso, at lagi akong inaapi. Kaya ako ang tapat na taong binabanggit ng Diyos, at wala kayong batayan para tawagin akong sinungaling o manloloko. Talagang wala kayong batayan—sinisiraan niyo lang ako. Alam kong hinahamak ninyo akong lahat: Iniisip ninyo na mahina ang isip at kakayahan ko, kaya gusto ninyong lahat na apihin ako. Ang Diyos lamang ang Nag-iisang hindi umaapi sa akin, mabait Siya sa akin.” Ni hindi aamin ang ganitong klaseng tao sa pagsisinungaling, at may lakas pa sila ng loob na magsabi na sila ang matapat na taong binabanggit ng Diyos, at sa pahayag na iyon, direkta nilang itinataas ang kanilang sarili sa trono. Naniniwala sila na likas silang matatapat ngunit ignoranteng mga tao at na mahal sila ng Diyos. Iniisip nila na hindi na nila kailangang hangarin ang katotohanan o pagnilay-nilayan ang kanilang sarili. Iniisip nila na mula sa sandaling isinilang sila ay walang mga kasinungalingang nagmula sa kanilang bibig. Hindi sila aamin sa pagsisinungaling, anuman ang sabihin ng iba, at sa halip ay uulitin nila ang mga dati nilang palusot para makipagtalo at ipagtanggol ang kanilang sarili. Napagnilayan na ba nila ang kanilang sarili? Oo, kahit paano. Ano ang naisip nila sa kanilang “pagninilay-nilay sa sarili”? “Ako ang matapat ngunit ignoranteng tao na binabanggit ng Diyos. Maaaring medyo ignorante ako, pero tapat akong tao.” Hindi ba’t ipinagmamalaki nila ang kanilang sarili? Hindi malinaw sa kanila kung alin sila roon, isang ignoranteng tao o isang matapat na tao, ngunit ipinalalagay nila na matapat silang tao. May kamalayan ba sila sa sarili? Kung ang isang tao ay hangal na inaapi at nabubuhay nang may karuwagan, ibig bang sabihin niyan ay mabuti na siyang tao? At kung mabuting tao ang tingin ng iba sa isang tao, ibig bang sabihin niyan ay hindi na nila kailangang hangarin ang katotohanan? Likas na bang taglay ng gayong mga tao ang katotohanan? Sabi ng ilang tao, “Matapat naman akong tao, lagi kong sinisikap na sabihin ang katotohanan, medyo ignorante lang ako. Hindi ko kailangang hangarin ang katotohanan, isa na akong mabuti at matapat na tao.” Sa pagsasabi nito, hindi ba’t ipinahihiwatig nila na taglay nila ang katotohanan at wala silang tiwaling disposisyon? Ang buong sangkatauhan ay nagawa nang lubhang tiwali ni Satanas. Lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon, at kapag ang isang tao ay nagtataglay ng tiwaling disposisyon, maaari siyang magsinungaling, mandaya, at manlinlang kahit kailan niya gusto. Maaari pa niyang ipagmalaki ang tagumpay o kontribusyon niya na hindi naman mahalaga, na nagpapakita ng mayabang na disposisyon. Palagi siyang puno ng mga haka-haka tungkol sa Diyos at maluluhong kahilingan sa Kanya, at sinusubukan niyang mangatwiran sa Kanya. Hindi ba’t problema ang mga ito? Hindi ba’t tiwaling disposisyon ito? Hindi ba’t nangangailangan ito ng pagsusuri? Ganoon na nga. Subalit hinirang na ng mga taong ito ang kanilang sarili bilang matatapat na tao na hindi kailanman nagsisinungaling o nanloloko sa iba; ipinapahayag nila na wala silang mga mapanlinlang na disposisyon, kaya hindi nila kailangang hangarin ang katotohanan. Samakatwid, walang sinumang kumikilos nang ganito ang naghahangad ng katotohanan, at wala ni isa sa kanila ang nakapasok sa katotohanang realidad. Kapag nagdarasal sila sa Diyos, madalas nilang iniiyakan ang kahinaan ng kanilang isip, kung paano sila palaging inaapi, at ang kanilang napakahinang kakayahan: “Diyos ko, Ikaw lamang ang nagmamahal sa akin; Ikaw lamang ang naaawa sa akin at mabait sa akin. Inaapi ako ng lahat ng tao, at sinasabi nilang sinungaling ako—pero hindi naman!” Pagkatapos, pinapahid nila ang kanilang mga luha at tumatayo sila, at kapag nakikita nila ang ibang tao, iniisip nila, “Wala ni isa sa inyo ang mahal ng Diyos. Ako lang.” Mataas ang tingin ng mga taong ito sa kanilang sarili, at hindi nila tinatanggap na nagpapakita sila ng anuman sa iba’t ibang pag-uugali at pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon na binabanggit ng Diyos. Kahit sumasapit sa kanila ang isang partikular na problema at nagkakaroon sila ng tiwaling kalagayan o nagpapakita nito, inaamin lamang nila ito nang pasalita matapos mag-isip sandali, at pagkatapos ay tapos na para sa kanila ang usaping iyon. Hindi nila talaga hinahanap ang katotohanan, at hindi nila tinatanggap ang katunayan na mayroon silang katiwalian at na tiwali silang tao. Siyempre pa, lalong hindi nila aaminin na nagpakita sila ng tiwaling disposisyon sa anumang partikular na pagkakataon. Gaano karami mang problema ang mangyari dahil sa kanila, at gaano karami mang tiwaling disposisyon ang ipinapakita nila, iisa lang ang lagi nilang sinasabi sa huli: “Ako ang tapat ngunit ignoranteng tao na binabanggit ng Diyos. Ako ang Kanyang kinaaawaan, at labis Niya akong pagpapalain.” Kaya nga, sa mga salitang ito, pakiramdam nila ay hindi na nila kailangang hangarin ang katotohanan; ang mga salitang ito ang idinadahilan ng gayong mga tao sa hindi paghahangad ng katotohanan. Hindi ba’t kakatwa ang gayong mga tao? (Oo.) Kakatwa sila at ignorante. Gaano sila kakatwa? Sobra silang kakatwa kaya ginagamit nila ang isang parirala ng mga salita ng Diyos na kapaki-pakinabang sa kanila at ginagamit nila iyon bilang isang simbolo para pilitin ang Diyos na ipawalang-sala ang kanilang sarili sa hindi paghahangad ng katotohanan, habang itinuturing nila na walang kinalaman sa kanila ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa tao. Pakiramdam nila ay hindi na nila kailangang makinig sa mga iyon dahil matatapat na silang tao. Sa madaling salita, kaawa-awa ang gayon kasasamang tao. Mahina ang kanilang kakayahan, wala silang katuturan, at halos walang kahihiyan, subalit nais pa rin nilang magtamo ng mga pagpapala. At bagama’t mahina ang kanilang kakayahan, at wala silang katuturan o kahihiyan, napakayabang pa rin nila, at mababa ang tingin nila sa mga ordinaryong tao. Wala silang respeto sa mga taong may mahusay na kakayahan na nagagawang hangarin ang katotohanan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanang realidad. Iniisip nila, “Anong buti ba ang dulot ng mga kalakasang ito sa inyo? Iyang mga paghahangad ninyo ng katotohanan at pagkilala sa inyong sarili—hindi ko kailangang gawin iyan. Isa akong tapat na tao; maaaring medyo ignorante ako, pero hindi naman talaga isyu iyon. At hindi rin naman kailangang ipag-alala ang mga tiwaling disposisyong ipinapakita ko. Hangga’t sinasangkapan ko ang sarili ko ng mabubuting pag-uugali, magiging ayos na ako.” Ano ang hinihingi nila sa kanilang sarili? “Alam ng Diyos ang nasa puso ko, at tunay ang pananampalataya ko sa Kanya. Sapat na iyon. Ang pagtatalakay araw-araw ng patotoo batay sa karanasan at kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos—ano ang silbi ng lahat ng pagtatalakay na ito? Kapag nangyari na ang lahat, sapat na ang taos na paniniwala sa Diyos.” Hindi ba’t lubhang kahangalan iyon? Una, ang gayong mga tao ay hindi talaga interesado sa katotohanan; pangalawa, makatarungang sabihin na wala silang kakayahang maarok ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos. Subalit, mataas pa rin masyado ang tingin nila sa kanilang sarili at kumikilos sila na parang napakataas at napakamakapangyarihan nila. Naghahanap sila ng ikakatwiran kung bakit hindi nila hinahangad ang katotohanan, o ng isang pamamaraan ng paghahangad o isang bagay na inaakala nilang isang kalakasan bilang kapalit ng paghahangad ng katotohanan. Hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.)

Ang ilang taong hindi naghahangad ng katotohanan ay walang mabibigat na problema pagdating sa kanilang pagkatao. Sumusunod sila sa mga tuntunin at kumikilos nang maayos. Ang gayong mga babae ay maaamo at mababait, mararangal at disente, at hindi nagloloko. Mabubuti silang babae sa harap ng kanilang mga magulang, mabubuti silang asawa at ina sa kanilang buhay-pamilya, at matapat na ginugugol ang kanilang mga araw sa pag-aalaga sa kanilang tahanan. Ang gayong mga lalaki ay walang malisya at matatapat, at kumikilos sila nang maayos; mababait silang anak, hindi sila naglalasing o naninigarilyo, at hindi sila nang-uumit o nagnanakaw, hindi sila nagsusugal o nambababae—sila ay mga huwarang asawa, at sa labas ng tahanan, bihira silang makipag-away o makipagtalo sa iba kung sino ang tama o mali. Iniisip ng ilang tao na sapat nang makamtan ang mga bagay na ito bilang isang mananampalataya sa Diyos, at na ang mga gumagawa nito ang karaniwang katanggap-tanggap na mabubuting tao. Naniniwala sila na kung sila ay mapagkawanggawa at matulungin, mapagkumbaba at mapagpasensya, at mapagparaya matapos manalig sa Diyos, at kung ginagawa nila ang anumang gawaing ipinagagawa ng iglesia sa kanila nang buong sipag at husay, nang hindi nagiging pabaya, natamo na nila ang katotohanang realidad at malapit na nilang matupad ang mga hinihingi ng Diyos. Iniisip nila na kung magsisipag sila at magsisikap pa nang kaunti, kung mas magbabasa pa sila ng salita ng Diyos, kung mas marami silang maaalalang parirala nito, at higit silang mangangaral sa iba, kung gayon ay hinahangad na nila ang katotohanan. Ngunit hindi nila napapansin ang ipinapakita nilang mga katiwalian, hindi nila alam kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila, at lalo pang hindi nila alam kung paano lumilitaw ang tiwaling disposisyon, o kung paano ito dapat malaman o malutas. Wala silang alam ni isa sa mga bagay na ito. May ganito bang mga tao? (Oo.) Itinuturing nila ang kanilang likas na “kabutihan” bilang isang pamantayan na dapat maabot ng mga naghahangad ng katotohanan. Kung may isang taong tatawag sa kanilang mayabang, mapanlinlang, at buktot, hindi sila makikipagtalo tungkol doon nang hayagan, at magpapakita lamang sila ng pagpapakumbaba, pagpapasensya, at pagtanggap. Ngunit sa kanilang kaibuturan, sa halip na seryosohin ito, lalabanan nila ito: “Mayabang ako? Kung mayabang ako, wala na ni isang mabuting tao sa lupa! Kung mapanlinlang ako, wala na ni isang matapat sa mundo! Kung buktot ako, wala na ni isang disente sa mundo! Madali bang makahanap ng isang taong kasimbuti ko sa panahon ngayon? Hindi—imposible na!” Hindi sila papayag na matawag na mapanlinlang o mayabang, o masabing hindi nila mahal ang katotohanan, at tiyak na hindi sila papayag na matawag na hindi mananampalataya. Ipupukpok lamang nila ang kanilang mga kamay sa mesa at makikipagtalo sila: “Sabi mo, ako ay hindi mananampalataya, tama ba? Kung hindi ako maliligtas, walang isa man sa inyo ang maliligtas!” Maaaring may maglantad sa kanila sa pagsasabing, “Hindi mo tinatanggap ang katotohanan. Kapag tinutukoy ng mga tao ang mga problema mo, nagmumukha kang mapagkumbaba at mapagpasensya, pero sa kaibuturan mo ay palaban ka talaga. Tama ang ipinangangaral mo kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan, pero totoo pa rin na hindi mo tinatanggap ang kahit isa sa mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa tiwaling disposisyong diwa ng tao. Nilalabanan mo ang mga iyon at tutol ka sa mga iyon. Masama ang disposisyon mo.” Kung tatawagin mo silang “masama”, hindi talaga nila matatanggap iyon. “Masama ako? Kung masama ako, tinapak-tapakan ko na sana kayong lahat noon pa! Kung masama ako, winasak ko na sana kayong lahat!” Hindi nila mauunawaan ang anumang inilalantad mo tungkol sa kanila o ibinabahagi nang tama sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng maunawaan nang tama ang mga bagay-bagay? Ang ibig sabihin nito ay anumang problema ang inihahayag sa iyo ng iba, ikinukumpara mo ang mga iyon sa mga salita ng Diyos para suriin kung talaga bang may anumang mali sa iyong mga layon at iniisip, at gaano man karaming problema ang makita sa iyo, hinaharap mong lahat ang mga iyon nang may saloobin ng pagtanggap at pagpapasakop. Ganyan maaaring tunay na magtamo ng kaalaman ang isang tao tungkol sa kanyang mga problema. Hindi magtatamo ng kaalaman ang isang tao tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon ayon sa kanyang mga haka-haka at imahinasyon, kailangan itong gawin batay sa mga salita ng Diyos. Kaya, ano muna ang kailangan para magkaroon ng kaalaman sa sarili? Kailangan mong kilalanin ang katotohanan na nalihis at nagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at na lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon. Sa pagtanggap lamang sa katotohanang ito mo mapagninilay-nilayan ang iyong sarili ayon sa paghahayag ng mga salita ng Diyos, at sa proseso ng pagninilay-nilay na ito sa sarili, unti-unting mabubunyag ang iyong mga problema. Lingid sa iyong kaalaman, lilitaw ang iyong mga problema, nang paunti-unti, at pagkatapos ay mauunawaan mo nang malinaw kung ano ang iyong tiwaling disposisyon. At sa pundasyong ito, magtatamo ka ng kaalaman kung anong klaseng tao ka at kung ano ang iyong diwa. Sa gayon ay matatanggap mo ang lahat ng sinasabi ng Diyos at ang Kanyang inihahayag, at pagkatapos ay mapagpapatuloy mo ang paghahanap sa mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa na nailatag Niya para sa tao, at magsasagawa at mamumuhay ka ayon sa Kanyang mga salita. Iyan ang ibig sabihin ng paghahangad ng katotohanan. Ngunit ganyan ba natatanggap ng ganitong klaseng tao ang mga salita ng Diyos? Hindi—maaari siyang magkunwari na kinikilala niya na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at na totoo lahat ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tiwaling sangkatauhan, ngunit kung hihilingin mo sa kanya na alamin ang kanyang sariling tiwaling disposisyon, hindi niya iyon tatanggapin ni kikilalanin. Naniniwala siya na wala iyong kinalaman sa kanya. Ito ay dahil iniisip niya na siya ay marangal at disenteng tao—matwid na tao, isang taong may karangalan. Ang pagiging matwid na tao ba ay nangangahulugan na taglay niya ang katotohanan? Ang pagiging matwid na tao ay isang positibong pagpapamalas lamang ng pagkatao ng isang tao; hindi ito kumakatawan sa katotohanan. Kaya, hindi kumu may isang katangian ka ng normal na pagkatao ay hindi mo na kailangang hangarin ang katotohanan, ni hindi ito nangangahulugan na natamo mo na ang katotohanan—at lalong hindi ito nangangahulugan na isa kang taong mahal ng Diyos. Hindi ba’t ganyan ang sitwasyon? (Oo.) Naniniwala ang diumano’y “mararangal na tao” na ito na wala silang mayabang at mapanlinlang na mga disposisyon, o isang disposisyon na tutol sa katotohanan, at na tiyak na wala silang buktot at malupit na disposisyon. Iniisip nila na wala sa mga tiwaling disposisyong ito ang umiiral sa kanilang kalooban, dahil sila ay mga taong may karangalan, sila ay likas na matwid at mabait, lagi silang inaapi ng iba, at bagama’t mahina ang kanilang kakayahan at ignorante sila, sila ay tapat. Ang “katapatan” na ito ay hindi tunay na katapatan, ito ay kawalan ng malisya, pagkamahiyain, at pagiging ignorante. Hindi ba’t napakahangal ng gayong mga tao? Ang tingin ng lahat sa kanila ay mabubuting tao sila. Tama ba ang pananaw na ito? Mayroon bang mga tiwaling disposisyon ang mga taong iniisip ng iba na mabubuti? Ang sagot ay “mayroon”—sigurado ito. Hindi ba nagsisinungaling ang mga taong walang malisya? Hindi ba sila nandaraya sa iba o nagbabalatkayo? Hindi ba sila makasarili? Hindi ba sila sakim? Ayaw ba nila ng mataas na katungkulan? Wala ba silang anumang maluluhong hangarin? Siguradong hindi totoo ang mga iyan. Ang tanging dahilan kaya wala silang nagagawang kasamaan ay hindi pa dumarating sa kanila ang tamang pagkakataon. At ipinagmamalaki nila ito—itinuturing nila ang kanilang sarili bilang mga taong may karangalan at naniniwala sila na wala silang tiwaling disposisyon. Kaya, kung tutukuyin ng sinuman ang isang uri ng tiwaling disposisyon, paglalantad, o kalagayan sa kanila, pabubulaanan nila iyon sa pagsasabing, “Hindi! Hindi ako iyan, at hindi ako ganyang kumilos, o ganyang mag-isip. Nagkamali kayo ng pag-unawa sa akin. Nakikita ninyong lahat na wala akong malisya, na mahina ang isip ko, na mahiyain ako, kaya inaapi ninyo ako.” Ano ang tingin ninyo sa gayong mga tao, na sumasagot nang ganito? Kung may nangahas na yamutin ang gayong tao, liligaligin sila nito magpakailanman. Hindi sila tatatantanan nito; hindi nila matatakasan ang taong iyon, anuman ang gawin nila. Iniisip pa rin ng di-makatwiran at masyadong nakakainis na mga taong ito na hinahangad nila ang katotohanan, na sila ay walang malisya at ignoranteng mga tao na walang tiwaling disposisyon. Kadalasan, sinasabi pa nga nila, “Maaaring ignorante ako, pero wala akong malisya—isa akong tapat na tao, at mahal ako ng Diyos!” Para sa kanila, mga bagay ito na dapat ipagsangkalan. Hindi ba’t medyo kawalanghiyaan ito? Sinasabi mo na mahal ka ng Diyos. Tama ba iyan? May batayan ka ba sa pagsasabi niyan? Gumagawa ba sa iyo ang Banal na Espiritu? Sinabi na ba ng Diyos na gagawin ka Niyang perpekto? Plano ba ng Diyos na kasangkapanin ka? Kung hindi pa sinabi ng Diyos ang mga bagay na ito sa iyo, hindi mo maaaring sabihin na mahal ka Niya—ang tanging masasabi mo ay naaawa Siya sa iyo, na malaking bagay na. Kung sinasabi mo na mahal ka ng Diyos, personal na pagkaunawa mo lamang iyan; hindi ito nagpapatunay na mahal ka talaga ng Diyos. Mamahalin ba ng Diyos ang isang taong hindi naghahangad ng katotohanan? Mamahalin ba ng Diyos ang isang ignorante at kiming tao? May awa ang Diyos sa mga ignorante at kimi—totoo iyan. Mahal ng Diyos ang mga tunay na matapat, mga naghahangad ng katotohanan, mga nagsasagawa ng katotohanan at nagpapasakop sa Kanya, ang mga kaya Siyang dakilain at patotohanan, mga nagsasaalang-alang sa Kanyang mga layunin at nagmamahal sa Kanya nang taos. Yaon lamang mga tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos at tapat na nagsasagawa ng kanilang mga tungkulin ang mahal ng Diyos; yaon lamang mga nakatatanggap sa katotohanan, gayon din ng pagpupungos, ang mahal ng Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa katotohanan, na hindi tumatanggap ng pagpupungos, ang itinataboy ng Diyos. Kung tutol ka sa katotohanan at nilalabanan mo ang lahat ng salitang sinasambit ng Diyos, tututol sa iyo ang Diyos at itatakwil ka. Kung lagi mong iniisip na isa kang mabuting tao, na isa kang kaawa-awa, simple at walang malisyang tao, ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, mamahalin ka ba ng Diyos? Imposible ito; walang batayan para diyan sa Kanyang mga salita. Ang Diyos ay hindi tumitingin sa kung ikaw ay walang malisya, ni wala Siyang pakialam kung anong klase ang pagkatao o kakayahan mo nang isilang ka—tumitingin Siya sa kung, matapos marinig ang Kanyang mga salita, tinatanggap mo ba o binabalewala ang mga iyon, kung nagpapasakop ka ba sa mga iyon o nilalabanan mo ang mga iyon. Tinitingnan Niya kung may epekto ba ang Kanyang mga salita sa iyo at nagkakaroon ng bunga sa iyo, kung kaya mo bang magbigay ng tunay na patotoo sa maraming salitang sinabi Niya. Kung ang kauuwian ng karanasan mo sa huli ay, “Wala akong malisya, mahiyain ako, inaapi ako ng bawat taong makilala ko. Mababa ang tingin sa akin ng lahat ng tao,” sasabihin ng Diyos na hindi ito patotoo. Kung idaragdag mong, “Ako ang tapat pero ignoranteng taong binabanggit ng Diyos,” sasabihin ng Diyos na puro ka kasinungalingan at na wala ni isa mang totoong salita ang lumalabas sa iyong bibig. Kung, kapag may mga ipinagagawa sa iyo ang Diyos, hindi ka lamang nabibigong magpasakop sa lahat ng iyon, kundi sinusubukan mo pang mangatwiran sa Diyos at magdahilan para sa iyong sarili, sinasabi mong, “Nagdusa na ako at nagbayad ng halaga, at mahal ko ang Diyos,” hindi iyan katanggap-tanggap. Hinahangad mo ba ang katotohanan? Nasaan ang iyong tunay na patotoo tungkol sa iyong karanasan? Paano napapamalas ang pagmamahal mo sa Diyos? Walang makukumbinsi kung wala kang maipapakitang katibayan. Sinasabi mo, “Isa akong taong may dangal at disente akong kumilos. Hindi ako nakikiapid, at sinusunod ko ang lahat ng tuntunin sa aking mga kilos. Isa akong taong maganda ang pag-uugali. Hindi ako naglalasing, nambababae, at nagsusugal. Hindi ako nagsasanhi ng mga paggambala o kaguluhan sa sambahayan ng Diyos o nagpapasimula ng pagtatalo, tinitiis ko ang pagdurusa at nagsusumikap ako. Hindi ba’t mga tanda ito na hinahangad ko ang katotohanan? Sinisikap ko nang matamo ang katotohanan.” At sasabihin ng Diyos: Nalutas mo na ba ang iyong tiwaling disposisyon? Nasaan ang iyong patotoo sa paghahangad mo ng katotohanan? Matatamo mo ba ang pagsang-ayon at paghanga ng mga taong hinirang ng Diyos? Kung hindi ka makapagbibigay ng anumang patotoo tungkol sa iyong karanasan, subalit sinasabi mo na isa kang matapat na tao na nagmamahal sa Diyos, isa kang taong nanlilihis ng iba gamit ang mga huwad na salita—isa kang hindi makatwirang diyablo at Satanas, at nararapat kang isumpa. Ang natitira na lamang sa iyo ay ang mahatulan at matiwalag ng Diyos.

Ang ilang tao, habang gumaganap sa kanilang mga tungkulin, ay kadalasang kumikilos nang padalus-dalos at walang ingat. Masyado silang kapritsoso: Kapag masaya sila, gumagawa sila ng kaunting tungkulin, at kapag hindi naman sila masaya, nagmamaktol sila at nagsasabing, “Masama ang timpla ko ngayon. Hindi ako kakain ng anuman at hindi ko gagampanan ang tungkulin ko.” Pagkatapos ay kailangan pang makipag-areglo ng iba sa kanila, at sabihing: “Hindi puwede ang ganyan. Hindi ka puwedeng maging masyadong kapritsoso.” At ano ang isasagot ng mga taong iyon? “Alam kong hindi puwede ang ganito, pero lumaki ako sa isang mayaman at nakaaangat na pamilya. Pinalaki ako sa layaw ng lahat ng lolo’t lola at mga tita ko, at mas lalo na ng mga magulang ko. Ako ang kinagigiliwan nila, ang pinakamamahal nila, at pumayag sila sa lahat ng gusto ko at pinalaki nila ako sa layaw. Ang ganoong pagpapalaki ang nagbigay sa akin ng ganitong kapritsosong pag-uugali, kaya kapag gumaganap ako ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi ko tinatalakay sa iba ang mga bagay-bagay, o hinahanap ang katotohanan, o ginagawang magpasakop sa Diyos. Ako ba ang dapat sisihin doon?” Tama ba ang pagkaunawa nila? Ang saloobin ba nila ay sa paghahangad ng katotohanan? (Hindi.) Tuwing may nagbabanggit ng kaunting pagkakamali nila, tulad ng pagkuha nila sa pinakamasasarap na pagkain tuwing kumakain, kung paanong sarili lamang nila ang inaalala nila, at hindi nila iniisip ang iba, sinasabi nila, “Bata pa ako, ganito na ako. Nasanay na ako sa ganito. Hindi ko inisip ang ibang tao kailanman. Noon pa man ay nakaaangat na ang pamumuhay ko, may mga magulang ako na mahal na mahal ako at mga lolo’t lola na giliw na giliw sa akin. Mahal na mahal ako ng buong pamilya ko.” Pawang kalokohan at maling paniniwala ito. Hindi ba’t medyo kawalanghiyaan at kakapalan ng mukha ito? Alagang-alaga ka ng iyong mga magulang—ibig bang sabihin noon ay ganoon din dapat sa iyo ang lahat ng iba pa? Mahal na mahal ka ng mga kamag-anak mo at giliw na giliw sila sa iyo—dahilan ba iyan para kumilos ka nang walang ingat at padalus-dalos sa sambahayan ng Diyos? Katanggap-tanggap bang dahilan iyan? Ito ba ang tamang saloobin tungo sa iyong tiwaling disposisyon? Ito ba ay isang saloobin ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kapag may nangyayaring anuman sa mga taong ito, kapag mayroon silang anumang problemang may kinalaman sa kanilang tiwaling disposisyon o sa kanilang buhay, naghahanap sila ng mga obhetibong katwiran para panagutan iyon, para ipaliwanag iyon, para pangatwiranan iyon. Hindi sila kailanman naghahanap sa katotohanan o nagdarasal sa Diyos, at hindi sila lumalapit sa Diyos para pagnilay-nilayan ang kanilang sarili. Kung hindi magninilay-nilay sa sarili, malalaman ba ng isang tao ang kanyang mga problema at ang kanyang katiwalian? (Hindi.) At makapagsisisi ba siya nang hindi nalalaman ang kanyang katiwalian? (Hindi.) Kung hindi makapagsisisi ang isang tao, sa anong kondisyon siya palagiang mamumuhay? Hindi ba’t sa pagpapatawad sa sarili? Sa pagkaramdam na bagama’t nagpakita siya ng katiwalian, wala siyang nagawang kasamaan o nalabag na mga atas administratibo—na bagama’t ang paggawa niyon ay hindi alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi naman ito sinadya, at maaaring patawarin? (Oo.) Iyan ba ang uri ng kondisyon na dapat taglayin ng isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kung hindi tunay na nagsisisi ang isang tao kailanman at palagi siyang namumuhay sa ganitong klase ng kondisyon, mababago ba niya ang kanyang sarili? Hindi, hindi niya magagawa iyon kailanman. At kung hindi babaguhin ng isang tao ang kanyang sarili, hindi niya magagawang tunay na bitiwan ang kanyang kasamaan. Ano ang ibig sabihin ng hindi magawang tunay na bitiwan ng isang tao ang kanyang kasamaan? Ang ibig sabihin niyon ay na hindi niya tunay na maisasagawa ang katotohanan at mapapasok ang katotohanang realidad. Iyan ang siguradong kalalabasan. Kung hindi mo mabibitiwan ang iyong kasamaan o maisasagawa ang katotohanan at mapapasok ang realidad, kung nais mong mabago ang isip ng Diyos tungkol sa iyo, matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, matamo ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, at mapatawad ng Diyos ang iyong mga paglabag at lutasin Niya ang iyong katiwalian, magiging posible ba iyon? (Hindi.) Kung hindi iyon posible, maaari bang magresulta sa iyong kaligtasan ang iyong pananalig sa Diyos? (Hindi.) Kung ang isang tao ay nabubuhay sa isang kondisyon ng pagpapatawad at paghanga sa kanyang sarili, kulang na kulang siya sa paghahangad ng katotohanan. Ang mga bagay na kanyang pinagkakaabalahan, tinitingnan, pinakikinggan, at ginagawa ay maaaring medyo may kaugnayan sa pananalig sa Diyos, ngunit walang magiging kinalaman ang mga ito sa paghahangad ng katotohanan o pagsasagawa nito. Siguradong ganito ang kalalabasan. At dahil walang kaugnayan ang mga ito sa paghahangad o pagsasagawa ng katotohanan, ang taong iyon ay hindi nakapagnilay-nilay sa kanyang sarili, ni nakilala ang kanyang sarili. Hindi niya malalaman kung gaano na siyang nagawang tiwali, at hindi niya malalaman kung paano magsisi, kaya mas malamang na hindi siya tunay na makapagsisisi o hindi niya mababago ang isip ng Diyos tungkol sa kanya. Kung namumuhay ka sa gayong kondisyon at nais mong magbago ang isip ng Diyos, patawarin, o sang-ayunan ka Niya, talagang magiging mahirap iyan. Ano ang ibig sabihin ng “sang-ayunan” dito? Ang ibig sabihin nito ay na kinikilala ng Diyos ang ginagawa mo, sinasang-ayunan, at naaalala Niya ito. Kung hindi mo matatamo ang anuman sa mga bagay na ito, pinatutunayan nito na hindi mo hinahangad ang katotohanan sa mga bagay na ginagawa mo, sa iyong mga pagsusumikap, sa iyong mga ipinakikita at pag-uugali. Hindi mahalaga kung ano ang iniisip mo, kahit pa nakagagawa ka ng ilang mabubuting pag-uugali, ang mga pag-uugaling ito ay nagpapakita lamang na may kaunting konsiyensiya at katwiran sa iyong pagkatao. Ngunit ang mabubuting pag-uugaling ito ay hindi pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan, dahil ang iyong panimula, mga layunin, at mga motibo ay hindi para sa paghahangad sa katotohanan. Ano ang mga batayan sa pagsasabi nito? Ang mga batayan ay na wala sa iyong mga iniisip, ikinikilos, o ginagawa ang para sa paghahangad sa katotohanan, at walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Kung ang lahat ng ginagawa ng isang tao ay hindi para matamo ang pagsang-ayon at pagkilala ng Diyos, wala sa kanyang mga ginagawa ang maaaring magtamo ng pagsang-ayon o pagkilala ng Diyos, at malinaw na ang mga pag-uugali at pagsasagawang ito ay matatawag lamang na mabubuting pag-uugali ng tao. Hindi tanda ang mga ito na isinasagawa niya ang katotohanan, at tiyak na hindi tanda ang mga ito na hinahangad niya ito. Ang mga taong partikular na kapritsoso at madalas kumilos nang walang ingat at padalus-dalos ay hindi tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, ni tinatanggap na mapungusan. Madalas din nilang pangatwiranan ang kanilang kabiguang hangarin ang katotohanan at ang kawalan nila ng kakayahang tanggapin na mapungusan. Anong disposisyon iyon? Malinaw na iyon ay isang disposisyon na tutol sa katotohanan—ang disposisyon ni Satanas. Taglay ng tao ang kalikasan at disposisyon ni Satanas, kaya walang duda, ang mga tao ay kay Satanas. Sila ay mga diyablo, mga anak ni Satanas, at mga supling ng malaking pulang dragon. Nagagawang aminin ng ilang tao na sila ay mga diyablo, mga Satanas, at ang supling ng malaking pulang dragon, at napakahusay ng kanilang pagsasalita tungkol sa kaalaman nila sa sarili Ngunit kapag nagbubunyag sila ng tiwaling disposisyon at sila ay inilalantad at pinupungusan ng isang tao, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para pangatwiranan ang sarili at hindi man lang nila tatanggapin ang katotohanan. Ano ang isyu rito? Dito, lubos na nailalantad ang mga taong ito. Nagsasalita sila nang napakahusay kapag sinasabi nila na kilala nila ang kanilang sarili, kaya bakit kapag nahaharap sila sa pagpupungos, hindi nila natatanggap ang katotohanan? Mayroong problema rito. Hindi ba’t medyo karaniwan ang ganitong bagay? Madali ba itong makilatis? Sa katunayan, oo. Marami-raming tao ang umaamin na sila ay mga diyablo at mga Satanas kapag nagsasalita sila tungkol sa kaalaman sa sarili, ngunit hindi sila nagsisisi o nagbabago pagkatapos. Kaya, totoo ba o hindi ang kaalaman sa sarili na binabanggit nila? Mayroon ba silang taos na kaalaman sa sarili, o pakana lang ba ito para lokohin ang iba? Malinaw na ang sagot. Samakatuwid, para makita kung may tunay bang kaalaman sa sarili ang isang tao, dapat ay hindi ka lang makinig sa pagsasalita niya tungkol dito—dapat mong tingnan ang saloobing mayroon siya tungkol sa pagpupungos, at kung natatanggap ba niya ang katotohanan. Iyon ang pinakamahalagang bagay. Sinumang hindi tumatanggap na mapungusan ay may diwa ng hindi pagtanggap sa katotohanan, ng pagtangging tanggapin ito at ang kanilang disposisyon ay tutol sa katotohanan. Walang duda roon. Hindi pumapayag ang ilang tao na pungusan sila ng iba, gaano man kalaking katiwalian ang kanilang naibunyag—walang sinumang maaaring magpungos sa kanila. Maaari silang magsalita tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, sa kahit anong paraan na gusto nila, ngunit kung inilalantad, pinupuna, o pinupungusan sila ng iba, gaano man ito kaobhetibo o nakaalinsunod sa mga katunayan, hindi nila ito tatanggapin. Anumang uri ng pagpapakita ng tiwaling disposisyon ang ibunyag sa kanila ng ibang tao, lubha silang magiging antagonistiko at patuloy na magbibigay ng mabababaw na pangangatwiran para sa sarili nila, nang wala man lamang ni katiting na tunay na pagpapasakop. Kung hindi hahangarin ng mga taong iyon ang katotohanan, magkakaroon ng gulo. Sa iglesia, hindi sila nakakanti at hindi sila maaaring punahin. Kapag nagsabi ang mga tao ng mabuting bagay tungkol sa kanila, sumasaya sila; kapag tinutukoy ng mga tao ang isang masamang bagay tungkol sa kanila, nagagalit sila. Kung may maglantad at magsabi sa kanila na: “Mabuti kang tao, pero masyado kang mapusok. Lagi kang padalus-dalos at walang ingat kung kumilos. Kailangan mong tanggapin ang mapungusan. Hindi ba’t mas makakabuti para sa iyo na iwaksi ang mga kakulangan at tiwaling disposisyong ito?” bilang tugon, sasabihin nila, “Wala akong nagawang anumang masama. Hindi ako nagkasala. Bakit mo ako pinupungusan? Inalagaan ako nang husto sa bahay mula pa noong bata ako, ng kapwa ng aking mga magulang at mga lolo’t lola. Ako ang kinagigiliwan nila, ang pinakamamahal nila. Ngayon, dito sa sambahayan ng Diyos, wala ni isa mang nag-aaruga sa akin—hindi masayang mamuhay rito! Lagi ninyo akong hinahanapan ng mali at sinusubukang pungusan. Paano ako mabubuhay nang ganoon?” Ano ang problema rito? Masasabi kaagad ng taong malinaw ang paningin na ang mga taong ito ay pinalaki sa layaw ng kanilang mga magulang at pamilya, at na kahit ngayon, hindi nila alam kung paano kumilos nang maayos o mamuhay nang mag-isa. Inaruga ka nang husto ng iyong pamilya na para kang isang idolo, at hindi mo alam ang lugar mo sa sansinukob. Naging bisyo mo na ang kayabangan, pagmamagaling, at labis na kapusukan, nang hindi mo namamalayan at hindi mo alam na dapat pagnilay-nilayan ang mga ito. Naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi ka nakikinig sa Kanyang mga salita o nagsasagawa ng katotohanan. Matatamo mo ba ang katotohanan nang may gayong paniniwala sa Diyos? Makapapasok ka ba sa katotohanang realidad? Maisasabuhay mo ba ang tunay na wangis ng isang tao? Tiyak na hindi. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kailangan na tanggapin mo man lang ang katotohanan at kilalanin ang iyong sarili. Sa gayong paraan mo lamang magagawang magbago. Kung lagi kang umaasa sa iyong mga haka-haka at imahinasyon sa iyong pananampalataya, kung hinahanap mo lang ang kapayapaan at kaligayahan sa halip na hangarin ang katotohanan, kung hindi mo kayang tunay na magsisi, at walang pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, walang kabuluhan ang iyong paniniwala sa Diyos. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kailangan mong maunawaan ang katotohanan. Kailangan mong sikaping makilala ang iyong sarili. Kailangan mong hanapin ang katotohanan anuman ang mangyari sa iyo, at kailangan mong lutasin ang anumang tiwaling disposisyong ipinapakita mo sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos. Kung may tumukoy sa iyong tiwaling disposisyon, o nagkusa ka mismo na suriin ito, kung sadya mong maikukumpara ito sa mga salita ng Diyos, at masisiyasat, masusuri, at makikilala ang iyong sarili, at pagkatapos malulutas mo ang iyong problema at makakapagsisi ka, makakaya mong mamuhay bilang isang tao. Yaong mga naniniwala sa Diyos ay kailangang tanggapin ang katotohanan. Kung lagi mong nanamnamin ang pakiramdam ng pag-aaruga sa iyo ng iyong pamilya, lagi kang nasisiyahan na maging kanilang pinakamamahal, kanilang kinagigiliwan, ano ang mapapala mo? Gaano ka man minamahal at kinagigiliwan ng iyong pamilya, kung wala sa iyo ang katotohanang realidad, isa kang basura. May halaga lamang ang paniniwala sa Diyos kung hinahangad mo ang katotohanan. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, malalaman mo kung paano ka dapat kumilos, at malalaman mo kung paano mamuhay upang maranasan ang tunay na kaligayahan at maging isang tao na nagpapalugod sa Diyos. Walang sitwasyon sa pamilya, at walang personal na mga kalakasan, kagalingan o kaloob, ang makatutumbas sa katotohanang realidad, ni hindi dapat magsilbing dahilan ang gayong bagay para hindi mo hangarin ang katotohanan. Ang pagtamo sa katotohanan lamang ang makapaghahatid ng tunay na kaligayahan sa mga tao, magtutulot sa kanila na mabuhay nang makabuluhan, at magkakaloob sa kanila ng magandang hantungan. Ito ang mga katunayan tungkol sa bagay na ito.

Naniniwala ang ilang tao, matapos maging mga lider at manggagawa sa iglesia, na sila ay katangi-tangi at iniisip nilang sa wakas ay may pagkakataon na silang sumikat. Nagkakaroon sila ng kumpiyansa sa sarili at sinisimulan nilang gamitin ang kanilang mga kalakasan; pinakakawalan nila ang kanilang mga ambisyon at ipinamamalas ang lahat ng kanilang kakayahan. Ang mga taong ito ay disente at may pinag-aralan, may kasanayang pang-organisasyon, at may asal at tikas ng isang lider. Nanguna sila sa kanilang klase at namuno sa unyon ng mga estudyante sa paaralan, sila ang manager o presidente ng kumpanyang pinagtrabahuhan nila, at nang magsimula silang maniwala sa Diyos at magpunta sa Kanyang sambahayan, inihalal silang lider, kaya iniisip nila, “Hindi ako pinababayaan ng langit kailanman. Mahirap para sa isang taong kasinghusay ko na hindi mapansin. Pagkababang-pagkababa ko mula sa pagiging presidente ng kumpanya, nagpunta ako sa sambahayan ng Diyos at naging isang lider. Hindi ako maaaring maging isang ordinaryong tao kahit na subukan ko. Ito ang pagdadakila sa akin ng Diyos, ito ang isinaayos Niyang gawin ko, kaya magpapasakop ako rito.” Matapos maging lider, ginagamit nila ang kanilang karanasan, kaalaman, kasanayang pang-organisasyon, at estilo sa pamumuno. Iniisip nila na sila ay may kakayahan at matapang, at isang taong tunay na magaling at may talento. Sayang, kung gayon, dahil may problema rito. Ang mga lider na ito na magagaling at may talento, na isinilang na may kakayahang mamuno—saang gawain sila pinakamagaling sa iglesia? Sa pagtatatag ng isang nagsasariling kaharian, pagkakamkam ng lahat ng kapangyarihan, at pangingibabaw sa mga talakayan. Matapos maging lider, wala silang ibang ginagawa kundi magtrabaho, magparoo’t parito, dumaan sa mga paghihirap, at magsakripisyo alang-alang sa sarili nilang kabantugan at katayuan. Wala silang pakialam sa iba pa. Naniniwala sila na ang kanilang pagiging abala at pagtatrabaho ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, na wala silang tiwaling disposisyon, na lagi silang kailangan ng iglesia, at na kailangan din sila ng mga kapatid. Naniniwala sila na walang trabahong magagawa kung wala sila, na kaya nilang akuin ang lahat ng ito at sarilinin ang kapangyarihan. At mayroon silang paraan sa pagtatatag ng kanilang nagsasariling kaharian. Kaya nilang mag-imbento ng kung anu-ano, partikular silang mahusay sa pagkilos na parang mga opisyal at sa pagyayabang, at sanay sila sa panenermon sa iba mula sa itaas. Mayroon lamang isang mahalagang bagay na hindi nila kayang gawin: Matapos maging lider, hindi na nila nagagawang kausapin ang iba nang taos-puso, kilalanin ang kanilang sarili, pansinin ang sarili nilang katiwalian, o makinig sa mga mungkahi ng mga kapatid. Kung may magmungkahi ng ibang ideya sa oras ng talakayan sa trabaho, hindi lamang tatanggihan ng mga lider na ito ang mga ideyang iyon—pangangatwiranan pa nila ang paggawa nito sa pagsasabing, “Hindi pa ninyo napag-isipan ang panukalang iyan. Ako ang lider ng iglesia—kung gagawin ko ang sinasabi ninyo at walang magiging aberya, ayos lang iyon, pero kung may mangyari ngang masama, ako lang ang mananagot. Kaya, kadalasan, maaari ninyong sabihin ang inyong mga opinyon—maaari nating gawin ang ganyang pormalidad—pero sa huli, kailangan ay ako lang ang magpapasya at magdedesisyon kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay.” Sa paglipas ng panahon, karamihan sa mga kapatid ay tumitigil sa pakikibahagi sa mga talakayan o sa pagbabahaginan tungkol sa trabaho, at hindi mag-aabala ang mga lider na ito na makipagbahaginan sa kanila tungkol sa anumang mga problema sa trabaho. Patuloy silang gagawa ng mga desisyon at paghatol nang walang sinasabi kaninuman, at magiging puno pa rin sila ng pangangatwiran. Naniniwala silang, “Ang iglesia ay ang iglesia ng lider, ang lider ang nagbabalangkas ng plano. Ang lider ang may huling salita sa direksyong babagtasin at landas na tatahakin ng mga kapatid.” Natural, ang mga lider na ito ang kokontrol sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid, sa landas na kanilang tinatahak, at sa direksyon ng kanilang hangarin. Kapag nagawa na silang “kapitan,” sila ang nagmomonopolisa sa kapangyarihan at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian. Hindi nila ipinapaalam ang kanilang mga kilos, at nang hindi nila namamalayan, sinusupil nila ang ilang tao at ibinubukod ang ilang kapatid na naghahangad sa katotohanan at may kakayahang makaarok. Sa buong panahong ito, iniisip pa rin nila na sa paggawa nito, pinoprotektahan nila ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng mga taong hinirang ng Diyos. Ginagawa nila ang lahat nang may tumpak na pangangatwiran, nang may labis-labis na pagdadahilan at pagpapalusot—at ano naman ang katuturan nito, sa huli? Lahat ng ginagawa nila ay para protektahan ang kanilang katayuan at ang kanilang monopolyo sa kapangyarihan. Dinadala nila ang mga prinsipyo, paraan, at pag-uugali mula sa sekular na lipunan at buhay-pamilya sa sambahayan ng Diyos, at iniisip na sa paggawa niyon, pinoprotektahan nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Subalit hindi nila kailanman nakikilala ang kanilang sarili o pinagninilay-nilayan ang kanilang sarili. Kahit may magtukoy na nilalabag nila ang mga katotohanang prinsipyo, kahit tugunan pa sila ng kaliwanagan, pagdisiplina, at pagtutuwid ng Diyos, hindi nila ito mamamalayan. Nasaan ang problema? Mula sa araw na tinanggap nila ang posisyon ng lider, trinato na nilang isang propesyon ang kanilang tungkulin, at ito ang nagsusumpa sa kanila na tumahak sa landas ng mga anticristo at nagtitiyak na hindi nila magagawang hangarin ang katotohanan. Gayunpaman, sa paglaon ng “propesyon” na ito, naniniwala sila na lahat ng ginagawa nila ay paghahangad sa katotohanan. Ano ang tingin nila sa paghahangad sa katotohanan? Iniingatan nila ang sarili nilang katayuan at awtoridad sa pagkukunwaring pinoprotektahan nila ang mga interes ng mga kapatid at ng sambahayan ng Diyos, at naniniwala sila na ito ay isang pagpapamalas ng kanilang paghahangad sa katotohanan. Wala talaga silang alam tungkol sa tiwaling disposisyon na namamalas at nakikita sa kanila habang sila ay nasa katungkulang ito. Kahit kung minsan ay may kaunti silang kabatiran na ito ay isang tiwaling disposisyon, na ito ay kinasusuklaman ng Diyos, na ito ay isang disposisyon na malupit at mapagmatigas, agad silang nagbabago ng isip, iniisip na: “Hindi maaari iyan. Ako ang lider, at kailangan kong magkaroon ng dangal ng isang lider. Hindi ko maaaring hayaan ang mga kapatid na makita akong nagpapakita ng tiwaling disposisyon.” Kaya nga, bagama’t natatanto nila na nagpakita sila ng napakalaking katiwalian, at na marami silang nagawa na salungat sa mga prinsipyo upang ingatan ang kanilang katayuan at awtoridad, kapag may naglalantad sa kanila, nanlilinlang sila o sinisikap nilang harangin ito, upang wala nang ibang makaalam dito. Sa sandaling magtamo sila ng awtoridad at katayuan, inilalagay nila ang kanilang sarili sa sagrado at di-malalabag na posisyon, iniisip na sila ay dakila, tama, at hindi maaaring punahin at pagdudahan. At dahil naokupa na nila ang gayong posisyon, nilalabanan at tinatanggihan nilang lahat ang anumang mga pagtutol, anumang mga mungkahi o payo na maaaring mapakinabangan sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid at sa gawain ng iglesia. Anong idinadahilan nila sa hindi paghahangad ng katotohanan? Sinasabi nila, “Mayroon akong katayuan, isa akong taong may posisyon—ibig sabihin niyan ay may dangal ako at sagrado at hindi maaaring labagin.” Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan, dahil nakabuo na sila ng gayong mga katwiran at dahilan? (Hindi.) Hindi nila kaya. Lagi silang nagsasalita at kumikilos mula sa kanilang mataas na kinalalagyan habang nasisiyahan sa mga pakinabang ng kanilang katayuan. Sa paggawa nito, ipinapahamak nila ang sarili nila, at kinakailangan silang ilantad. Hindi ba’t kaawa-awa ang gayong mga tao? Kaawa-awa sila at kasuklam-suklam, at kamuhi-muhi rin—nakasusuka sila! Bilang lider, nagkukunwari silang santo. Isang santo, isang dakila, maluwalhati, at tamang tao—ano ang mga titulong ito? Ang mga ito ay mga kadena, at sinuman ang magsuot ng mga iyon ay hindi na makapaghahangad ng katotohanan. Kung may magsusuot ng mga kadenang ito, ibig sabihin ay wala na silang anumang kaugnayan sa paghahangad ng katotohanan. Ano ang pangunahing dahilan ng hindi paghahangad ng mga taong ito sa katotohanan? Sa katunayan, ang dahilan ay napigilan na sila ng katayuan. Lagi nilang iniisip: “Ako ang lider. Ako ang namamahala rito. Ako ay isang taong may posisyon at katayuan. Isa akong marangal na tao. Hindi ako maaaring magkaroon ng mayabang o buktot na disposisyon. Hindi ako maaaring magtapat at magbahagi sa aking tiwaling disposisyon—kailangan kong protektahan ang aking dangal at kabantugan. Kailangan kong patingalain ang mga tao sa akin at igalang nila ako.” Lagi silang napipigilan ng mga bagay na ito, kaya hindi nila magawang magtapat o magnilay at makilala ang kanilang sarili. Nasira sila ng mga bagay na ito. Naaayon ba sa katotohanan ang kanilang mga pananaw at pag-iisip? Halata naman na hindi. Ang mga pag-uugali ba na madalas nilang ipakita sa kanilang mga tungkulin—kayabangan at pagmamagaling, pagkilos na parang sila ang batas, pagkukunwari, panloloko, at iba pa—ang mga gawing ito ba ay pagsisikap na matamo ang katotohanan? (Hindi.) Malinaw naman na wala sa mga ito ang paghahangad ng katotohanan. At ano ang katwiran o dahilang ibinibigay nila sa hindi paghahangad ng katotohanan? (Naniniwala sila na ang mga lider ay mga taong may katayuan at dangal, at na kahit mayroon silang tiwaling disposisyon, hindi iyon maaaring ilantad.) Hindi ba’t kakatwa ang pananaw na ito? Kung umaamin ang isang tao na mayroon siyang tiwaling disposisyon ngunit hindi pumapayag na malantad ito, tinatanggap ba niya ang katotohanan? Kung, bilang lider, hindi mo matanggap ang katotohanan, paano mo dadanasin ang gawain ng Diyos? Paano malilinis ang iyong katiwalian? At kung hindi malilinis ang iyong katiwalian at patuloy kang mamumuhay ayon sa iyong tiwaling disposisyon, isa kang lider na hindi kayang gumawa ng praktikal na gawain—isa kang huwad na lider. Bilang lider, mayroon ka ngang katayuan, ngunit pagkakaroon lamang ito ng ibang trabaho, ibang tungkulin—hindi ito nangangahulugan na naging isa ka nang taong may posisyon. Hindi ka nagiging mas marangal kaysa iba o nagiging isang taong mataas ang posisyon dahil natamo mo ang katayuang ito at nagsagawa ka ng ibang tungkulin. Kung talagang may mga taong nag-iisip nang ganito, hindi ba’t wala silang kahihiyan? (Wala nga.) Ano ang mas palasak na pagsasalarawan dito? Walang pakundangan ang kabastusan nila, hindi ba? Kapag hindi sila mga lider, tinatrato nila ang mga tao nang taos; nagagawa nilang magtapat tungkol sa mga pagpapakita nila ng katiwalian at himayin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa sandaling maging lider na sila, ganap silang nagiging ibang tao. Bakit Ko sinasabi na nagiging ibang tao sila? Dahil nagmamaskara sila, at nagtatago sa maskara ang tunay na tao. Wala man lang ipinapakitang anumang ekspresyon ang maskara, walang pag-iyak, walang pagtawa, walang kasiyahan o galit, walang lungkot o saya, walang mga emosyon at pagnanasa—at tiyak na walang tiwaling disposisyon. Sa lahat ng oras, ang ekspresyon at kondisyon nito ay nananatiling pareho, habang lahat ng tunay na kalagayan, personal na mga iniisip at ideya ng lider ay nananatiling nakatago sa likod ng maskara, kung saan walang nakakakita sa mga ito. May ilang lider at manggagawa na laging iniisip na mayroon silang posisyon at katayuan. Natatakot sila na mawawalan sila ng dangal kung may magpupungos sa kanila, kaya hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Humuhugot sila ng lakas sa kanilang katayuan at awtoridad para magsalita ng matatamis at huwad na mga salita at pagtakpan ang kanilang tiwaling disposisyon. Kasabay nito, nagkakamali sila sa paniniwala na mas katangi-tangi at mas banal sila kaysa sa iba dahil sa kanilang katayuan, at kaya hindi na nila kailangang hangarin ang katotohanan—na ang paghahangad sa katotohanan ay gawain na ng iba. Ang ganitong paraan ng pag-iisip ay mali, at wala itong kahihiyan at katuturan. Ganyan kung kumilos ang ganitong uri ng tao. Mula sa diwa ng pag-uugali ng gayong mga tao, malinaw na hindi nila hinahangad ang katotohanan. Sa halip ay hinahangad nila ang katayuan at kabantugan. Habang nagtatrabaho sila, pinoprotektahan nila ang kanilang katayuan at awtoridad, at niloloko ang kanilang sarili sa pag-iisip na hinahangad nila ang katotohanan. Katulad lamang sila ni Pablo, madalas na gumagawa ng mga buod ng gawaing nagawa na nila at ng mga tungkuling nagampanan na nila, ng mga gampaning napamahalaan na nila sa paggawa ng gawain ng iglesia, at ang mga tagumpay na natamo na nila habang ginagawa ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Madalas nilang itinatala ang mga bagay na ito, tulad noong sabihin ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya. Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Dito, ang ibig niyang sabihin ay na pagkatapos niya sa kanyang gawain at mahusay na pakikibaka, oras na para kalkulahin kung gaano kalaki ang tsansa niyang maligtas, gaano kalaki ang naging mga kontribusyon niya, gaano kalaki ang kanyang magiging gantimpala, at oras na para hilingin sa Diyos na gantimpalaan ang kanyang mga kontribusyon. Ang ibig niyang sabihin ay hindi niya iisipin na matuwid ang Diyos kung hindi siya gagantimpalaan ng korona ng Diyos, na tatanggi siyang magpasakop at magrereklamo pa tungkol sa hindi pagiging matuwid ng Diyos. Ang gayong tao ba, na may ganitong klaseng pag-iisip at disposisyon, ay naghahangad ng katotohanan? Isa ba siyang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? Mailalagay ba niya ang kanyang sarili sa ilalim ng mga pangangasiwa ng Diyos? Hindi ba’t sa isang sulyap lang ay malinaw na ito? Iniisip niya na ang kanyang mga gawain at pakikibaka ay siyang paghahangad sa katotohanan, hindi talaga niya hinahanap ang katotohanan at hindi namamalas sa kanya ang tunay na paghahangad nito—kaya hindi siya isang tao na naghahangad ng katotohanan.

Alin sa mga problema ng tao ang pangunahing inilalantad ng ating pagbabahaginan ngayon? Alin sa mga tiwaling disposisyon ng tao ang partikular na inilantad nito? Ang isang pangunahin ay tutol ang tao sa katotohanan at ayaw niya itong tanggapin; ito ay isang napaka-partikular na uri ng pag-uugali. Ang isa pang pangunahin ay isang bagay na umiiral sa disposisyong diwa ng bawat tao: pagmamatigas. Namamalas din ito nang medyo kongkreto at malinaw, hindi ba? (Oo nga.) Ito ang dalawang pangunahing paraan ng pagpapamalas at pagpapakita ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang partikular na mga pag-uugaling ito, ang partikular na mga pananaw at saloobing ito, at iba pa, ay tunay at tumpak na naglalarawan na may elemento ng pagiging tutol sa katotohanan sa loob ng tiwaling disposisyon ng tao. Siyempre pa, ang mas kitang-kita sa disposisyon ng tao ay ang mga pagpapamalas ng pagmamatigas: Anumang sabihin ng Diyos, at anumang mga tiwaling disposisyon ng tao ang malantad habang ginagawa ang gawain ng Diyos, matigas na tumatanggi ang mga tao na kilalanin ito at nilalabanan nila ito. Bukod pa sa malinaw na paglaban o mapanghamak na pagtanggi, mayroon, siyempre, ng isa pang uri ng pag-uugali, na kapag walang pakialam ang mga tao sa gawain ng Diyos, na para bang ang gawain ng Diyos ay walang kinalaman sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng walang pakialam ang isang tao sa Diyos? Ito ay kapag sinasabi ng isang tao, “Sabihin Mo ang gusto Mong sabihin—wala itong kinalaman sa akin. Wala sa Iyong mga paghatol o paglalantad ang may anumang kinalaman sa akin. Hindi ko ito tinatanggap o kinikilala.” Maaari ba nating tawagin ang gayong saloobin na “pagmamatigas”? (Oo.) Pagpapamalas ito ng pagiging mapagmatigas. Sinasabi ng mga taong ito, “Namumuhay ako kung paano ko gusto, kung saan man ako komportable, at sa kung ano mang paraan ang nagpapaligaya sa akin. Ang mga pag-uugaling binabanggit Mo tulad ng kayabangan, panlilinlang, pagiging tutol sa katotohanan, kabuktutan, kalupitan, at iba pa—kahit mayroon nga ako ng mga ito, ano naman ngayon? Hindi ko susuriin ang mga ito, o kikilalanin, o tatanggapin ang mga ito. Ganito ako naniniwala sa Diyos, may magagawa Ka ba?” Isang saloobin ito ng pagmamatigas. Kapag walang pakialam ang mga tao sa mga salita ng Diyos o hindi sila nakikinig sa mga iyon, na ibig sabihin ay pare-pareho nilang binabalewala ang Diyos, anuman ang Kanyang sabihin, nangungusap man Siya sa anyo ng mga paalala o babala o pangaral—ano mang paraan ng pagsasalita ang gamitin Niya, o ano ang pinagmumulan at mga mithiin ng Kanyang pananalita—ang kanilang saloobin ay pagmamatigas. Ibig sabihin nito ay hindi nila pinakikinggan ang apurahang layunin ng Diyos, lalo na ang Kanyang taos at mabuting hangarin na iligtas ang tao. Anuman ang gawin ng Diyos, walang determinasyon ang mga tao na makipagtulungan at ayaw nilang magpunyagi tungo sa katotohanan. Kahit kinikilala nila na lubos na totoo ang paghatol at paghahayag ng Diyos, walang pagsisisi sa kanilang puso, at patuloy lang silang naniniwala tulad ng dati. Sa huli, kapag narinig na nila ang maraming sermon, gayon din ang sinasabi nila: “Isa akong tunay na mananampalataya, ano’t anuman, hindi masama ang pagkatao ko, hindi ako sadyang gagawa ng masama, nagagawa kong talikuran ang mga bagay-bagay, kakayanin ko ang hirap, at handa akong magsakripisyo para sa aking pananampalataya. Hindi ako pababayaan ng Diyos.” Hindi ba’t katulad lamang ito ng pagkasabi ni Pablo: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran”? Iyan ang uri ng saloobing taglay ng mga tao. Ano ang disposisyon sa likod ng gayong saloobin? Pagiging mapagmatigas. Mahirap bang baguhin ang disposisyong mapagmatigas? May paraan ba para magawa iyon? Ang pinakasimple at pinaka-deretsahang pamamaraan ay ang baguhin ang iyong saloobin sa mga salita ng Diyos at sa Diyos Mismo. Paano mo mababago ang mga bagay na ito? Sa paghihimay at pag-alam sa kalagayan at pag-iisip na nagmumula sa iyong pagiging mapagmatigas, at sa pagtingin para makita kung alin sa iyong mga kilos at salita, sa aling mga pananaw at layunin ka kumakapit, at partikular pa nga kung alin sa mga iniisip at ideyang ipinapakita mo, ang kontrolado ng iyong mapagmatigas na disposisyon. Suriin at lutasin ang mga pag-uugali, pagpapakita, at mga kalagayang ito, nang isa-isa, at pagkatapos, baguhin ang mga ito—sa sandaling nasuri mo na at may nakita ka, magmadali kang baguhin ito. Halimbawa, pinag-uusapan pa lamang natin ang pagkilos batay sa mga kagustuhan at timpla ng isang tao, na siyang pagiging mapusok. Ang disposisyon ng pagkamapusok ay may kasamang isang katangian na tutol sa katotohanan. Kung natatanto mo na ganyan kang uri ng tao, na may ganyan kang uri ng tiwaling disposisyon, at hindi mo pinagninilay-nilayan ang iyong sarili o hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, na ipinipilit mong ayos ka lang, pagmamatigas iyan. Matapos ang sermon na ito, maaaring bigla mong matanto, “May nasabi na akong ganyan, at may mga pananaw akong ganyan. Ang disposisyon kong ito ay yaong tutol sa katotohanan. Dahil iyan nga ang sitwasyon, lulutasin ko ang disposisyong iyan.” Kung gayon ay paano mo lulutasin ito? Magsimula ka sa paglimot sa iyong superyoridad, sa iyong pagkamapusok, at sa iyong pagpapadalus-dalos; mabuti man o masama ang timpla mo, tingnan mo ang mga hinihingi ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa laman at magsagawa nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ano ang magiging tingin Niya sa iyo? Kung kaya mo talagang magsimulang lutasin ang mga tiwaling pag-uugaling ito, tanda iyan na positibo at aktibo kang nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos. Sadya kang maghihimagsik laban sa at sadya mong lulutasin ang disposisyong iyan na tutol sa katotohanan, at kasabay niyan, malulutas mo ang iyong mapagmatigas na disposisyon. Kapag nalutas mo na pareho ang mga tiwaling disposisyong ito, magagawa mo nang magpasakop at palugurin ang Diyos, at masisiyahan Siya rito. Kung naunawaan na ninyo ang nilalaman ng pagbabahaging ito at maghihimagsik kayo laban sa laman sa ganitong paraan, magiging masayang-masaya Ako. Sa gayon ay hindi Ko sinabi ang mga salitang ito nang walang saysay.

Ang pagiging mapagmatigas ay isang problema ng isang tiwaling disposisyon; nasa kalikasan ito ng isang tao, at hindi ito madaling lutasin. Kapag ang isang tao ay may mapagmatigas na disposisyon, pangunahin itong naipamamalas bilang pagkahilig sa pangangatwiran at mapanlihis na mga argumento, paninindigan sa sarili niyang mga ideya, at hindi madaling pagtanggap sa mga bagong bagay. May mga pagkakataon na alam ng mga tao na mali ang mga ideya nila, ngunit pinanghahawakan nila ang mga iyon alang-alang sa kanilang banidad at kapalaluan, matigas sila hanggang sa huli. Ang gayong mapagmatigas na disposisyon ay mahirap baguhin, kahit pa may kamalayan doon ang isang tao. Upang lutasin ang problema ng pagiging mapagmatigas, kailangang malaman ng isang tao ang pagmamataas, panlilinlang, kalupitan, pagiging tutol sa katotohanan, at iba pang gayong disposisyon ng tao. Kapag alam ng isang tao ang sarili niyang pagmamataas, panlilinlang, kalupitan, na tutol siya sa katotohanan, na ayaw niyang talikdan ang laman kahit na nais niyang isagawa ang katotohanan, na palagi siyang nagdadahilan at nagpapaliwanag ng mga paghihirap niya kahit na nais niyang magpasakop sa Diyos, magiging madali sa kanya na aminin na may problema siya sa pagmamatigas. Para malutas ang problemang ito, dapat munang taglayin ng isang tao ang normal na katinuan at magsimula sa pagkatutong makinig sa mga salita ng Diyos. Kung nais mong maging tupa ng Diyos, kailangan mong matutong makinig sa Kanyang mga salita. At paano ka dapat makinig sa mga iyon? Sa pakikinig sa anumang problemang inilalantad ng Diyos sa Kanyang mga salita na may kaugnayan sa iyo. Kung makahanap ka ng isa, dapat mo itong tanggapin; kailangan ay hindi mo paniwalaan na isa itong problema na taglay ng ibang tao, na problema ito ng lahat, o problema ng sangkatauhan, at na wala itong kinalaman sa iyo. Mali na magkaroon ka ng gayong paniniwala. Dapat kang magnilay-nilay, sa pamamagitan ng paghahayag ng mga salita ng Diyos, kung taglay mo ba ang mga tiwaling kalagayan o mga baluktot na pananaw na inilalantad ng Diyos. Halimbawa, kapag narinig mo ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyong nakikita sa isang tao, dapat mong isipin: “Nagpapakita ba ako ng mga pagpapamalas ng pagmamataas? Isa akong tiwaling tao, kaya malamang na nagpapakita ako ng ilan sa mga pagpapamalas na iyon; dapat kong pagnilayan kung saan ko iyon ginagawa. Sinasabi ng mga tao na mapagmataas ako, na palagi akong kumikilos na parang isang importanteng tao, na napipigilan ko ang mga tao kapag nagsasalita ako. Iyon ba talaga ang disposisyon ko?” Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, mapagtatanto mo sa wakas na tumpak na tumpak ang paghahayag ng mga salita ng Diyos—na isa kang mapagmataas na tao. At yamang tumpak na tumpak ang paghahayag ng mga salita ng Diyos, yamang tugmang-tugma ito sa sitwasyon mo nang wala ni katiting na pagkakaiba, at lalo pang nagiging tumpak matapos ang higit pang pagninilay, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita, at makilatis at malaman ang diwa ng iyong tiwaling disposisyon ayon sa mga ito. Pagkatapos ay makadarama ka ng tunay na pagsisisi. Sa paniniwala sa Diyos, makikilala mo lang ang sarili mo sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa Kanyang mga salita nang ganito. Upang malutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, kailangan mong tanggapin ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos. Kung hindi mo kayang gawin iyon, imposibleng maiwaksi mo ang mga tiwaling disposisyon mo. Kung isa kang matalinong tao na nakakikita na karaniwang tumpak ang paghahayag ng mga salita ng Diyos, o kung kaya mong aminin na tama ang kalahati nito, dapat mo itong tanggapin agad at magpasakop ka sa harap ng Diyos. Kailangan mo ring magdasal sa Kanya at pagnilayan ang iyong sarili. Saka mo lang mauunawaan na tumpak ang lahat ng salita ng Diyos ng paghahayag, na ang lahat ng iyon ay katunayan, at wala nang iba pa. Tunay lamang na mapagninilayan ng mga tao ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagpapasakop sa harap ng Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso. Saka lang nila makikita ang iba’t-ibang tiwaling disposisyon na umiiral sa kaibuturan nila, at na mapagmataas at mapagmagaling nga sila, na wala ni katiting na katinuan. Kung ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang magpatirapa sa harapan ng Diyos, aminin sa Kanya na malalim siyang nagawang tiwali, at magkaroon ng kagustuhang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng isang pusong nagsisisi, magsisimula siyang tanggihan at kapootan ang kanyang sarili, at pagsisisihan niya ang hindi paghahangad sa katotohanan noon, iisipin niyang, “Bakit ba hindi ko nagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos noong magsimula akong basahin ang mga iyon? Itong saloobing taglay ko sa Kanyang mga salita ay saloobin ng kayabangan, hindi ba? Bakit masyado akong mayabang?” Pagkatapos ng madalas na pagninilay-nilay sa sarili nang ganito sa loob ng ilang panahon, malalaman niya na mayabang nga siya, na wala siyang ganap na kakayahang aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at mga katunayan, at na talagang wala siyang ni katiting na katinuan. Pero mahirap kilalanin ang sarili. Sa tuwing magninilay-nilay ang isang tao, makapagtatamo lang siya ng kaunti at bahagyang mas malalim na kaalaman sa kanyang sarili. Ang pagkakaroon ng malinaw na kaalaman sa isang tiwaling disposisyon ay hindi isang bagay na maisasakatuparan sa maikling panahon; ang isang tao ay kailangang higit na magbasa ng mga salita ng Diyos, higit na magdasal, at higit na pagnilay-nilayan ang kanyang sarili. Sa gayon lang niya unti-unting makikilala ang kanyang sarili. Lahat ng tunay na nakakakilala sa kanilang sarili ay ilang beses nang nabigo at nadapa noon, pagkatapos mangyari ang mga iyon, binabasa nila ang mga salita ng Diyos, nagdarasal sa Kanya, at pinagninilay-nilayan ang kanilang sarili, at kaya malinaw nilang nakikita ang katotohanan ng sarili nilang katiwalian, at nadarama na talaga ngang lubha silang naging tiwali, at talagang nawalan sila ng katotohanang realidad. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos nang ganito, at mananalangin ka sa Kanya athahanapin mo ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, unti-unti mong makikilala ang sarili mo. Pagkatapos isang araw, magiging malinaw na sa wakas ang puso mo: “Maaaring medyo mas may kakayahan ako kaysa sa iba, pero ibinigay ito sa akin ng Diyos. Palagi akong mayabang, sinisikap kong higitan ang iba kapag nagsasalita ako, at sinisikap kong pasunurin ang mga tao sa gusto ko. Tunay na wala akong katwiran—ito ay kayabangan at pagmamagaling! Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, nalaman ko ang sarili kong mayabang na disposisyon. Ito ay kaliwanagan at biyaya ng Diyos, at pinasasalamatan ko Siya para dito!” Mabuting bagay ba o masama ang malaman ang sarili mong tiwaling disposisyon? (Mabuting bagay.) Mula roon, dapat patuloy kang maghangad kung paano magsasalita at kikilos nang may katwiran at pagsunod, paano ka papantay sa iba, paano tatratuhin ang iba nang patas nang hindi sila pinipigilan, paano mo titignan nang tama ang iyong kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, at iba pa. Sa ganitong paraan, gaya ng isang bundok na unti-unting pinupukpok hanggang sa maging alikabok, malulutas ang iyong mayabang na disposisyon. Pagkatapos niyon, kapag nakipag-ugnayan ka sa iba o nakipagtulungan sa kanila na gampanan ang isang tungkulin, magagawa mong tratuhin nang tama ang kanilang mga pananaw at lubos na pagtuunan sila nang pansin habang nakikinig ka sa kanila. At kapag narinig mo silang magsabi ng isang pananaw na tama, matutuklasan mo, “Mukhang hindi ako ang may pinakamahusay na kakayahan. Ang totoo, lahat ay may sari-sariling mga kalakasan; hindi talaga sila mas mababa sa akin. Dati, lagi kong iniisip na may mas mahusay na kakayahan ako kaysa sa iba. Paghanga iyon sa sarili at kamangmangan ng isang makitid ang utak. Napakalimitado ng aking pananaw, parang palaka sa ilalim ng isang balon. Talagang walang katwiran ang pag-iisip nang gayon—kahiya-hiya ito! Ginawa akong bulag at bingi ng aking mayabang na disposisyon. Hindi ko naunawaan ang mga salita ng ibang mga tao, at inakala ko na mas mahusay ako kaysa sa kanila, na tama ako, samantalang ang totoo, hindi ako mas mahusay kaysa sa sinuman sa kanila!” Mula noon, magkakaroon ka ng tunay na kabatiran at kaalaman tungkol sa iyong mga kakulangan at sa maliit mong tayog. At pagkatapos niyon, kapag nakipagbahaginan ka sa iba, makikinig kang maigi sa kanilang mga pananaw, at matatanto mo, “Napakaraming taong mas mahusay kaysa sa akin. Katamtaman lang pareho ang aking kahusayan at kakayahang makaarok.” Sa pagkakatantong ito, hindi ba’t nagtamo ka na ng kaunting kamalayan sa iyong sarili? Sa pamamagitan ng pagdanas nito, at sa madalas na pagninilay-nilay sa sarili batay sa mga salita ng Diyos, makapagtatamo ka ng tunay na kaalaman sa iyong sarili na lalo pang lumalalim. Maiintindihan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian, ang iyong karukhaan at kasamaan, ang iyong kahiya-hiyang kapangitan, at sa oras na iyon, magiging tutol ka sa sarili mo at kamumuhian mo ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay magiging madali na para sa iyo na maghimagsik laban sa iyong sarili. Ganoon mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Batay sa mga salita ng Diyos, kailangan mong magnilay-nilay sa mga paglalantad mo ng iyong katiwalian. Partikular na kailangan mong madalas na pagnilay-nilayan at kilalanin ang iyong sarili pagkatapos mong maglantad ng tiwaling disposisyon sa anumang sitwasyon. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na makita nang malinaw ang iyong tiwaling diwa, at magagawa mong kamuhian sa puso mo ang iyong katiwalian, ang iyong laman, at si Satanas. At sa puso mo, magagawa mong mahalin at pagsumikapang matamo ang katotohanan. Sa ganitong paraan, patuloy na mababawasan ang iyong mayabang na disposisyon, at unti-unti mo itong maiwawaksi. Makapagtatamo ka ng mas higit pang katwiran, at magiging mas madali para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Sa mga mata ng iba, magmumukha kang mas panatag at praktikal, at tila mas obhektibo ka na kung magsalita. Magagawa mo nang makinig sa iba, at bibigyan mo sila ng pagkakataon na makapagsalita. Kapag tama ang iba, magiging madali para sa iyo na tanggapin ang kanilang mga salita, at hindi gaanong magiging mahirap ang mga pakikipag-ugnayan mo sa mga tao. Magagawa mong makipagtulungan nang maayos kaninuman. Kung ganito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, hindi ba magiging makatwiran at makatao ka? Iyon ang paraan para malutas ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon.

Ngayon ay magbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa paraan ng paglutas sa mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng problema ng mapagmatigas na disposisyon na binanggit Ko kanina. Upang malutas ang isang tiwaling disposisyon, kailangan munang matanggap ng isang tao ang katotohanan. Ang pagtanggap sa katotohanan ay pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos; ito ay pagtanggap sa Kanyang mga salita na naglalantad sa diwa ng katiwalian ng tao. Kung malalaman at mahihimay mo ang mga pagpapakita mo ng katiwalian, ng iyong mga tiwaling kalagayan, at ng iyong mga tiwaling layunin at pag-uugali batay sa mga salita ng Diyos, at magagawa mong tuklasin ang diwa ng iyong mga problema, nagkaroon ka na ng kaalaman sa iyong tiwaling disposisyon, at nasimulan mo na ang proseso ng paglutas dito. Sa kabilang banda, kung hindi ka magsasagawa nang ganito, bukod sa hindi mo magagawang lutasin ang iyong mapagmatigas na disposisyon, magiging imposible rin na maiwaksi mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ang bawat tao ay nagtataglay ng maraming tiwaling disposisyon. Saan ba dapat magsimula ang isang tao sa paglutas sa mga iyon? Una, kailangang lutasin ng isang tao ang kanyang pagiging mapagmatigas, dahil hinahadlangan ng isang mapagmatigas na disposisyon ang mga tao na makalapit sa Diyos, mahanap ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Ang pagiging mapagmatigas ang pinakamalaking balakid sa panalangin at pakikipagbahaginan ng tao sa Diyos; ito ang pinaka-nakagagambala sa normal na relasyon ng tao sa Diyos. Matapos mong malutas ang iyong mapagmatigas na disposisyon, magiging madali nang lutasin ang iba pa. Ang paglutas sa isang tiwaling disposisyon ay nagsisimula sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkakilala sa sarili. Lutasin mo ang alinmang tiwaling disposisyon na nalalaman mo—kapag mas marami kang nalalaman sa mga iyon, mas marami kang malulutas; mas lalalim pa ang kaalaman mo sa mga iyon, mas lubusan mo pang malulutas ang mga iyon. Ito ang proseso ng paglutas sa mga tiwaling disposisyon; ginagawa ito sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos, at sa pamamagitan ng pagninilay-nilay at pagkilala sa sarili at paghihimay sa diwa ng tiwaling disposisyon ng isang tao sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hanggang sa magawa ng isang tao na maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan. Ang pag-alam sa diwa ng iyong tiwaling disposisyon ay hindi madali. Ang pagkilala sa sarili mo ay hindi pagsasabi nang pangkalahatan na “Isa akong tiwaling tao; isa akong diyablo; ako ang supling ni Satanas, ang inapo ng malaking pulang dragon; lumalaban at galit ako sa Diyos; kaaway Niya ako.” Ang gayong pananalita ay hindi naman nangangahulugan na mayroon kang tunay na kaalaman tungkol sa iyong sariling katiwalian. Maaaring natutuhan mo ang mga salitang iyon mula sa ibang tao at hindi mo gaanong kilala ang sarili mo. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay hindi batay sa nalalaman o mga panghuhusga ng tao, batay ito sa mga salita ng Diyos—ito ay ang makita ang mga bunga ng mga tiwaling disposisyon at ang pagdurusa na naranasan mo dahil sa mga ito, ang madama na hindi lang ikaw ang napipinsala ng isang tiwaling disposisyon, kundi pati na rin ang ibang tao. Ito ay ang maintindihan ang katunayan na ang mga tiwaling disposisyon ay nagmumula kay Satanas, na ang mga ito ay lason at pilosopiya ni Satanas, at na ganap na salungat ito sa katotohanan at sa Diyos. Kapag naunawaan mo na ang problemang ito, malalaman mo na ang iyong tiwaling disposisyon. Matapos aminin ng ilang tao na sila ang mga diyablo at mga Satanas, hindi pa rin nila tinatanggap ang mapungusan. Hindi nila inaamin na may nagawa silang mali o nilabag nila ang katotohanan. Ano ba ang problema sa kanila? Hindi pa rin nila kilala ang sarili nila. Sinasabi ng ilang tao na sila ang mga diyablo at mga Satanas, subalit kung tatanungin mo sila ng, “Bakit mo sinasabi na ikaw ay isang diyablo at Satanas?” hindi sila makasasagot. Ipinapakita nito na hindi nila alam ang kanilang tiwaling disposisyon, o ang kanilang kalikasang diwa. Kung makikita nila na ang kanilang kalikasan ay ang kalikasan ng diyablo, na ang kanilang tiwaling disposisyon ay disposisyon ni Satanas, at aaminin nila na sila, samakatwid, ay isang diyablo at Satanas, nakilala na nila ang sarili nilang kalikasang diwa. Ang tunay na kaalaman sa sarili ay nakakamtan sa pamamagitan ng paglalantad, paghusga, pagsasagawa, at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Nakakamtan ito sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, anuman ang sabihin niya tungkol sa kaalaman niya sa kanyang sarili, hungkag ito at hindi praktikal, dahil hindi nila mahanap at maunawaan ang mga bagay na nasa ugat at mahahalaga. Para makilala ang sarili, kailangang aminin ng isang tao, sa partikular na mga pagkakataon, kung aling mga tiwaling disposisyon ang kanilang ipinakita, ano ang kanilang layon, paano sila umasal, sa ano sila napápasamâ, at bakit hindi nila matanggap ang katotohanan. Kailangang masabi nila nang malinaw ang mga bagay na ito, saka lamang nila makikilala ang kanilang sarili. Kapag naharap ang ilang tao sa pagpupungos, inaamin nila na tutol sila sa katotohanan, na may mga hinala at maling pag-unawa sila tungkol sa Diyos, at na nag-iingat sila sa Kanya. Kinikilala rin nila na ang lahat ng salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao ay makatotohanan. Ipinapakita nito na mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili. Ngunit dahil wala silang kaalaman tungkol sa Diyos o sa Kanyang gawain, dahil hindi nila nauunawaan ang Kanyang layunin, medyo mababaw ang kaalaman nila sa sarili. Kung kinikilala lamang ng isang tao ang kanyang sariling katiwalian ngunit hindi pa natatagpuan ang ugat ng problema, malulutas ba ang kanilang mga hinala, maling pagkaunawa, at pag-iingat patungkol sa Diyos? Hindi. Ito ang dahilan kaya ang kaalaman sa sarili ay higit pa sa basta pagkilala lamang sa katiwalian at mga problema ng isang tao—kailangan niya ring maunawaan ang katotohanan at malutas ang ugat ng problema ng kanyang tiwaling disposisyon. Iyon lamang ang tanging paraan upang maunawaan ng isang tao ang katotohanan ng kanyang katiwalian at tunay siyang makakapagsisi. Kapag iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakikilala ang kanilang sarili, nagagawa rin nilang hanapin at unawain ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga problema. Ang ganitong uri lamang ng kaalaman sa sarili ang nagkakaroon ng mga resulta. Tuwing nababasa ng isang taong nagmamahal sa katotohanan ang isang parirala ng mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa tao, bago ang lahat, may pananampalataya siya na ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tao ay totoo at tunay, at na ang mga salita ng Diyos na humahatol sa tao ay ang katotohanan at na kumakatawan ang mga ito sa Kanyang pagiging matuwid. Kailangan na ang mga nagmamahal sa katotohanan, kahit papaano, ay nakikilala ito. Kung ang isang tao ay hindi man lang naniniwala sa mga salita ng Diyos, at hindi naniniwala na ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa mga tao ay mga katunayan at ang katotohanan, makikilala ba niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang mga salita? Siguradong hindi—kahit na gustuhin niya, hindi niya ito magagawa. Kung kaya mong maging matatag sa iyong paniniwala na lahat ng salita ng Diyos ay katotohanan, at maniwala sa lahat ng iyon, anuman ang sabihin ng Diyos o ang paraan ng pagsasalita Niya, kung nagagawa mong maniwala at tanggapin ang Kanyang mga salita kahit hindi mo nauunawaan ang mga ito, magiging madali para sa iyo na pagnilay-nilayan at kilalanin ang sarili mo sa pamamagitan ng mga ito. Ang pagninilay sa sarili ay kailangang batay sa katotohanan. Walang kaduda-duda iyan. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan—wala ni isa sa mga salita ng tao at wala ni isa sa mga salita ni Satanas ang katotohanan. Ginagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan gamit ang lahat ng uri ng pag-aaral, turo, at teorya sa loob ng libu-libong taon, at naging lubhang manhid na ang mga tao at mapurol ang utak kaya hindi lamang wala sila ni katiting na kaalaman tungkol sa kanilang sarili, kundi sinasang-ayunan pa nila ang mga maling pananampalataya at kamalian at ayaw nilang tanggapin ang katotohanan. Ang mga taong katulad nito ay hindi matutubos. Yaong mga may tunay na pananampalataya sa Diyos ay naniniwala na ang Kanyang mga salita lamang ang katotohanan, at nagagawa nilang kilalanin ang kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at sa gayon ay natatamo nila ang tunay na pagsisisi. Ang ilang tao ay hindi nagsisikap na matamo ang katotohanan; ibinabatay lamang nila ang kanilang pagninilay tungkol sa kanilang sarili sa natutuhan ng tao, at wala silang inaamin kundi ang makasalanang pag-uugali lamang, samantala, hindi nila nauunawaan ang sarili nilang tiwaling diwa. Ang gayong kaalaman sa sarili ay isang walang-saysay na pagsisikap at wala itong ibinubunga. Kailangang ibatay ng isang tao ang kanyang pagninilay sa sarili sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos magnilay-nilay, unti-unti niyang malalaman ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita niya. Kailangan masukat at malaman ng isang tao ang kanyang mga kakulangan, ang kanyang pagkataong diwa, kanyang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, kanyang pananaw at pagpapahalaga sa buhay, batay sa katotohanan, at pagkatapos ay magkaroon ng isang tumpak na pagtatasa at hatol sa lahat ng bagay na ito. Sa ganitong paraan, unti-unti siyang magtatamo ng kaalaman tungkol sa kanyang sarili. Ngunit mas lumalalim ang kaalaman sa sarili habang mas dumarami ang karanasan niya sa buhay, at bago niya matamo ang katotohanan, magiging imposible para sa kanya na ganap na maunawaan ang kanyang kalikasang diwa. Kung tunay na kilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita niya na ang mga tiwaling nilalang ay tunay ngang supling at mga pagsasakatawan ni Satanas. Madarama niya na hindi siya nararapat na mabuhay sa harap ng Diyos, na hindi siya karapatdapat sa Kanyang pagmamahal at pagliligtas, at magagawa niyang ganap na magpatirapa sa Kanyang harapan. Yaon lamang mga kayang magkaroon ng gayong antas ng kaalaman ang tunay na nakakakilala sa kanilang sarili. Ang kaalaman sa sarili ay isang paunang kondisyon sa pagpasok sa katotohanang realidad. Kung nais isagawa ng isang tao ang katotohanan at pumasok sa realidad, kailangan niyang makilala ang kanyang sarili. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, at bagama’t ayaw nila, palagi silang nagagapos at nakokontrol ng mga tiwaling disposisyon na ito. Hindi nila naisasagawa ang katotohanan o ang pagpapasakop sa Diyos. Kaya kung nais nilang gawin ang mga bagay na ito, kailangan muna nilang makilala ang kanilang sarili at lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa proseso ng paglutas ng tiwaling disposisyon mauunawaan ng isang tao ang katotohanan at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos; saka lamang siya makapagpapasakop sa Diyos at makapagpapatotoo sa Kanya. Ganoon niya matatamo ang katotohanan. Ang proseso ng pagpasok sa katotohanang realidad ay ang paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao. Kaya, ano ang kailangan niyang gawin para malutas ang kanyang tiwaling disposisyon? Una, kailangang malaman ng isang tao ang kanyang tiwaling diwa. Partikular na, nangangahulugan ito ng pagkaalam kung paano nagsimula ang kanyang tiwaling disposisyon, at kung alin sa mga maladiyablong salita at maling paniniwala mula kay Satanas na tinanggap niya ang nagpasimula niyon. Sa sandaling lubos niyang maunawaan ang mga ugat na dahilan batay sa mga salita ng Diyos at mayroon siyang pagkakilala sa mga ito, hindi na siya papayag na mamuhay ayon sa kanyang tiwaling disposisyon, nanaisin na lamang niyang magpasakop sa Diyos at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Sa tuwing nagpapakita siya ng tiwaling disposisyon, mapapansin niya iyon, tatanggihan iyon, at maghihimagsik laban sa kanyang laman. Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas nang ganito, unti-unti niyang iwawaksi ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon.

Sinasabi ng ilang tao, “Nang mabasa ko ang mga salita ng paglalantad at paghatol ng Diyos, nagnilay-nilay ako sa aking sarili, at natanto ko na ako ay mayabang, mapanlinlang, makasarili, buktot, mapagmatigas, at na wala akong pagkatao.” Mayroong ilan na sinasabi pa nga na masyado silang mayabang, na sila ay mga hayop, na sila ang mga diyablo at Satanas. Ito ba ang tunay na kaalaman sa sarili? Kung taos-puso ang kanilang sinasabi, at hindi lang basta pangongopya, nagpapakita ito na, kahit paano, mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili, ang tanong lamang ay kung mababaw ba iyon o malalim. Kung mayroon silang kinokopya, inuulit nila ang mga salita ng iba, hindi iyon tunay na kaalaman sa sarili. Kailangan ay konkreto ang kaalaman ng isang tao tungkol sa kanyang sariling tiwaling disposisyon, hanggang sa bawat usapin at kalagayan—ang ibig sabihin nito ay ang mga detalyeng tulad ng mga kalagayan, paglalantad, pag-uugali, kaisipan at ideya na may kinalaman sa tiwaling disposisyon. Saka lamang niya tunay na makikilala ang kanyang sarili. At kapag tunay na kilala ng isang tao ang kanyang sarili, mapupuno ng pagsisisi ang kanyang puso, at makakaya niyang tunay na magsisi. Ano ang unang bagay na kailangan niyang isagawa upang magsisi? (Kailangan niyang aminin ang kanyang mga pagkakamali.) “Ang pag-amin sa kanyang mga pagkakamali” ay hindi ang tamang paraan para ipahayag ito; sa halip, ito ay isang usapin ng pagkilala at pag-alam na ang isang tao ay may partikular na tiwaling disposisyon. Kung sasabihin niya na ang kanyang tiwaling disposisyon ay isang uri ng pagkakamali, nagkakamali siya. Ang tiwaling disposisyon ay isang bagay na kabilang sa likas na pagkatao ng isang tao, isang bagay na kumokontrol sa tao. Hindi ito katulad ng minsanang pagkakamali. Ang ilang tao, matapos magpakita ng katiwalian, ay nagdarasal sa Diyos: “Diyos ko, nagkamali ako. Patawad.” Hindi tumpak ito. Ang “pag-amin sa kasalanan” ay mas naaangkop. Ang partikular na pamamaraan ng pagsisisi ng isang tao ay sa pagkilala sa kanyang sarili at paglutas sa kanyang mga problema. Kapag naglalantad ang isang tao ng isang tiwaling disposisyon, o gumagawa ng mga paglabag, at natatanto niya na nilalabag niya ang Diyos, at na ginagalit niya ang Diyos, dapat na niyang pagnilay-nilayan ang kanyang sarili at kilalanin ang kanyang sarili ayon sa kaugnay na mga salita ng Diyos. Bilang resulta, magtatamo siya ng kaunting kaalaman tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon at kikilalanin niya na nagmumula iyon sa mga lason at pagtitiwali ni Satanas. Pagkatapos niyon, kapag natagpuan na niya ang mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng katotohanan at nagawa na niyang isagawa ang katotohanan, iyon ang tunay na pagsisisi. Anumang katiwalian ang inilalantad ng isang tao, kung nagagawa muna niyang malaman ang kanyang tiwaling disposisyon, mahanap ang katotohanan para lutasin ito, at maisagawa ang katotohanan, iyon ang tunay na pagsisisi. May kaunting alam ang ilang tao tungkol sa kanilang sarili, ngunit walang tanda ng pagsisisi sa kanila, o anumang patotoo sa pagsasagawa nila ng katotohanan. Kung hindi sila magbabago matapos magtamo ng kaalaman sa sarili, malayo iyon sa tunay na pagsisisi. Para tunay na makapagsisi, kailangang lutasin ng isang tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Kaya paano, sa partikular, dapat magsagawa at pumasok ang isang tao upang malutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon? Narito ang isang halimbawa. Ang mga tao ay may mga mapanlinlang na disposisyon, palagi silang nagsisinungaling at nandaraya. Kung natatanto mo iyan, ang pinakasimple at pinakatuwirang prinsipyo ng pagsasagawa para malutas ang iyong pagiging mapanlinlang ay ang maging matapat na tao, sabihin mo ang totoo at gumawa ng matatapat na bagay. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Datapuwat ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi.’” Para maging matapat na tao, dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Ang simpleng pagsasagawang ito ang pinakaepektibo, madali itong maunawaan at maisagawa. Gayunman, dahil napakalalim ng katiwalian ng mga tao, dahil lahat sila ay may satanikong kalikasan at nabubuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, medyo mahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Gusto nilang maging matapat, ngunit hindi nila magawa. Hindi nila napipigilang magsinungaling at manloko, at bagama’t maaaring nagsisisi sila matapos mapansin ito, hindi pa rin nila mawawaksi ang mga pagkontrol ng kanilang tiwaling disposisyon, at patuloy silang magsisinungaling at mandaraya tulad ng ginagawa nila dati. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Bahagi nito ang pag-alam na ang diwa ng tiwaling disposisyon ng isang tao ay pangit at kasuklam-suklam, at ang mamuhi nang taos-puso; ang pagsasanay sa sarili na magsagawa ayon sa katotohanang prinsipyo, “Datapuwat ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi.’” Kapag isinasagawa mo ang prinsipyong ito, nasa proseso ka ng paglutas sa iyong mapanlinlang na disposisyon. Natural, kung nakapagsasagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo habang nilulutas mo ang iyong mapanlinlang na disposisyon, iyan ay pagpapamalas ng iyong pagbabago at ang pagsisimula ng iyong tunay na pagsisisi, at sinasang-ayunan ito ng Diyos. Nangangahulugan ito na kapag nagbago ka, magbabago ang isip ng Diyos tungkol sa iyo. Sa katunayan, ang paggawa nito ng Diyos ay isang uri ng pagpapatawad sa mga tiwaling disposisyon at pagkasuwail ng tao. Pinatatawad Niya ang mga tao at nililimot ang mga kasalanan at paglabag nito. Sapat na ba ang linaw niyan? Naunawaan ba ninyo ito? Narito ang isa pang halimbawa. Sabihin nang mayroon kang mayabang na disposisyon, at anuman ang mangyari sa iyo, napakatigas ng ulo mo—gusto mo palagi na ikaw ang magpapasya, at na susundin ka ng iba, at gawin ang gusto mong ipagawa sa kanila. Sa gayon ay darating ang araw na matatanto mo na dahil ito sa isang mayabang na disposisyon. Ang pag-amin mo na ito ay mayabang na disposisyon ay ang unang hakbang tungo sa kaalaman sa sarili. Mula roon, dapat mong hanapin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mayabang na disposisyon para maikumpara mo ang sarili mo sa mga ito, at pagnilayan at kilalanin ang sarili mo. Kung malaman mo na angkop na angkop ang pagkukumpara, at inamin mo na taglay mo ang mayabang na disposisyon na inilantad ng Diyos, at pagkatapos ay kilatisin at tuklasin mo kung saan nagmumula ang iyong mayabang na disposisyon, at kung bakit ito lumalabas, at kung aling mga lason, maling paniniwala, at kamalian ni Sanatas ang kumokontrol dito, kapag nakita mo na ang pinakabuod ng lahat ng tanong na ito, natagpuan mo na ang ugat ng iyong kayabangan. Ito ang tunay na kaalaman sa sarili. Kapag mayroon kang mas tumpak na pakahulugan sa kung paano mo inilalantad ang tiwaling disposisyong ito, mas mapapadali nito at magiging mas praktikal ang kaalaman mo sa iyong sarili. Ano ang susunod na dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at unawain kung anong uri ng pagkukunwari at pananalita ng tao ang nagpapamalas ng normal na pagkatao. Kapag nakita mo na ang landas ng pagsasagawa, kailangan mong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at kapag nagbago na ang puso mo, tunay ka nang nakapagsisi. Hindi lamang magkakaroon ng prinsipyo sa iyong pananalita at kilos, maipamumuhay mo rin ang wangis ng tao at unti-unti mong maaalis ang iyong tiwaling disposisyon. Makikita ng iba na bagong tao ka na: hindi ka na ang luma at tiwaling tao na tulad ng dati, kundi isang taong muling isinilang sa mga salita ng Diyos. Ang gayong tao ay isang tao na ang disposisyon sa buhay ay nagbago na.

Hindi isang madaling gawain ang kilalanin ang sarili. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, pati na sa pagsasagawa at pagdanas sa mga salita ng Diyos, at makakamit lang ang tunay na pagkakilala sa sarili sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang mga hindi nakaranas ng paghatol at pagkastigo ay, sa pinakamabuti, magagawang aminin ang mga kamaliang nagawa nila at mga bagay na hindi nila nagawa nang tama. Magiging napakahirap para sa kanila na makita nang malinaw ang kanilang kalikasang diwa. Bakit ba kahit pa itinigil ng mga mananampalataya noong Kapanahunan ng Biyaya ang paggawa ng mga partikular na kasalanan at binago ang kanilang pag-uugali, kailanman ay hindi sila nagkaroon ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon sa buhay? Bakit, kahit pa naniniwala sila sa Diyos, ay nilabanan nila Siya, at pinagtaksilan pa nga Siya? Mahirap para sa tiwaling sangkatauhan na kilalanin ang pinagmumulan ng problemang ito. Bakit ba may mga satanikong disposisyon ang lahat ng tao? Ito ay dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at tinanggap na ng mga tao ang mga maladiyablong salita at pilosopiya nito. Iyon ang nagsanhi sa mga tiwaling disposisyon, at ganyan kaya ang disposisyon ni Satanas ay naging pinagmumulan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ito ang bagay na pinakamahirap makilala ng tao. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw para iligtas ang sangkatauhan mula sa impluwensya ni Satanas, at para lutasin ang pinagmumulan ng kasalanan at paglaban ng sangkatauhan sa Diyos. Libu-libong taon nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at nag-ugat na ang kalikasan nito sa puso ng mga tao. Samakatuwid, walang uri ng tiwaling disposisyon ang malulutas at maiwawaksi sa pamamagitan lang ng isa o dalawang pagtatangka sa pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili. Ang mga tiwaling disposisyon ay palagi at paulit-ulit na naipakikita, kaya kailangan ng mga taong tanggapin ang katotohanan at makipaglaban nang mahabang panahon sa kanilang mga satanikong disposisyon hanggang sa madaig nila si Satanas. Saka lang nila lubusang maiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, kailangang walang tigil na magdasal ang mga tao sa Diyos, hanapin ang katotohanan, pagnilayan ang sarili, kilalanin ang sarili, at isagawa ang katotohanan, hanggang sa hindi na sila magpakita ng katiwalian, magbago ang mga disposisyon nila sa buhay, at magkaroon sila ng pagpapasakop sa Diyos. Saka lang nila makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Maaaring hindi agad makita ang mga resulta ng bawat pakikipaglaban, at maaari ka pa ring maghayag ng mga tiwaling disposisyon pagkatapos. Maaring bahagya kang maging negatibo at panghinaan ng loob, pero ayaw mong sumuko, at maaari ka pa ring magpatuloy sa pagsisikap, tumingala sa Diyos at umasa sa Kanya. Kung magpupursigi ka nang ganoon sa loob ng dalawa o tatlong taon, tunay mong maisasagawa ang katotohanan, at mapapayapa at magagalak ang iyong puso. Pagkatapos ay malinaw mong makikita na ang bawat pagkabigo, bawat pagsisikap, at bawat tagumpay na nakamit mo ay isang magandang tanda na umuusad ka patungo sa pagbabago ng iyong disposisyon at sa panghihikayat sa Diyos na baguhin ang Kanyang isipan tungkol sa iyo. Kahit na ang bawat pagbabago ay hindi kapansin-pansin sa kamalayan ng tao, ang pagbabago ng disposisyon na kaakibat ng bawat pagkakataon ay hindi matatamo ng anupamang ibang kilos o bagay. Ito ang landas na kailangang tahakin ng isang tao sa kanyang disposisyonal na pagbabago at buhay pagpasok. Kailangan ay ganito isagawa ang paghahangad sa pagbabago ng disposisyon. Siyempre, dapat ay mayroong tumpak na pagkaunawa ang mga tao sa kung paano nagaganap ang pagbabago ng disposisyon: Hindi ito isang biglaang, nakayayanig-lupang pagbabago na nakabibigla at nakatutuwa, tulad ng iniisip nila. Hindi ito ganoon nangyayari. Isa itong pagbabago na hindi namamalayan, dahan-dahan, paunti-unti. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, may makakamit siya. Kapag nagbalik-tanaw ka matapos mong tahakin ang landas na ito sa loob ng tatlo, lima, sampung taon, mabibigla ka na malamang malaki na ang ipinagbago ng iyong disposisyon sa sampung taong iyon, na ibang-iba ka na. Maari na hindi nagbago ang personalidad at pagtitimpi mo, o na ang iyong pamumuhay at iba pa ay hindi nagbago, ngunit ang mga disposisyon, kalagayan, at pag-uugali na ipinakikita mo ay ibang-iba na, na para bang naging ibang tao ka na talaga. Bakit magaganap ang gayong pagbabago? Dahil sa loob ng sampung taong iyon, nahatulan, nakastigo, napungusan, nasubok at napino ng mga salita ng Diyos nang maraming beses, at maraming katotohanan na ang naunawaan mo. Magsisimula ito sa pagbabago sa iyong mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, sa pagbabago sa iyong pananaw sa buhay at sa iyong mga prinsipyo, na susundan ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, isang pagbabago sa saligan na inaasahan mo para mabuhay—at habang nagaganap ang mga pagbabagong ito, unti-unti kang magiging ibang tao, isang bagong tao. Kahit na maaaring hindi nagbago ang iyong personalidad, pagtitimpi, pamumuhay, at maging ang iyong pananalita at pagkilos, nabago mo naman ang iyong disposisyon sa buhay, at iyon pa lang ay isa nang pangunahin, mahalagang pagbabago. Ano ang mga tanda ng pagbabago ng disposisyon? Paano ito partikular na naipamamalas? Nagsisimula ito sa pagbabago sa mga pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay—ito ay kapag nagbabago ang maraming pananaw ng mga walang pananampalataya sa mga bagay-bagay na taglay ng isang tao habang nagtatamo siya ng pagkaunawa sa katotohanan, at palapit nang palapit ang mga pananaw na iyon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos. Ito ang unang yugto ng pagbabago ng disposisyon. Higit pa roon, sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili, makatutuon ang mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan. Sa pagninilay sa iba’t ibang layunin, motibo, opinyon at ideya, kuru-kuro, pananaw, at saloobin na nasa kaibuturan nila, matutukoy nila ang kanilang mga problema, at magsisimula silang makadama ng pagsisisi dahil sa mga iyon. Pagkatapos, makapaghihimagsik sila laban sa laman at maisasagawa ang katotohanan. At habang ginagawa iyon, lalo pa nilang mamahalin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at kikilalanin na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Lalo silang magiging handang sumunod kay Cristo at magpasakop sa Kanya, at madarama nila na ipinahahayag ng Diyos ang mga katotohanan para ilantad, hatulan, at kastiguhin ang tao, at para baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at na sa paggawa niyon ay inililigtas at ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa isang tunay na praktikal na paraan. Madarama nila na kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos o ang panustos at patnubay ng Kanyang mga salita, magiging imposible para sa mga tao na magtamo ng kaligtasan, ni umani ng gayong mga gantimpala. Sisimulan nilang mahalin ang mga salita ng Diyos, at madarama nila na umaasa sila sa mga iyon sa kanilang tunay na buhay, na kailangan nila ang Kanyang mga salita para tustusan sila, para patnubayan sila, at para hawanin ang daan para sa kanila. Mapupuno ng kapayapaan ang mga puso nila, at kapag mayroong nangyari sa kanila, hindi mamamalayang hahanapin nila ang mga salita ng Diyos upang magsilbing basehan nila, at hahanapin ang mga prinsipyo at ang landas ng pagsasagawa sa loob ng mga iyon. Ito ay isang resultang matatamo sa pamamagitan ng pagkilala sa sarili. Mayroon pang isa: Hindi na haharapin ng mga tao ang pagpapakita nila ng mga tiwaling disposisyon tulad ng dati, nang may saloobin ng pagmamatigas. Sa halip, magagawa nilang patahimikin ang kanilang mga puso at pakinggan ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng katapatan, at matatanggap nila ang katotohanan at mga positibong bagay. Nangangahulugan ito na kapag nagpakita sila ng tiwaling disposisyon, hindi na sila magiging katulad ng dati—mapagmatigas, mahirap paamuin, masyadong agresibo, mapagmataas, walang-pakundangan, at malupit—sa halip, maagap nilang pagninilayan ang kanilang mga sarili at magtatamo ng kaalaman sa tunay nilang mga problema. Maaaring hindi nila alam kung ano ang diwa ng kanilang tiwaling disposisyon, ngunit magagawa nilang patahimikin ang kanilang sarili, magdasal sa Diyos, at hanapin ang katotohanan, pagkatapos niyon ay aaminin nila ang kanilang mga problema at ang kanilang tiwaling disposisyon, at magsisisi sila sa Diyos, at magpapasyang magbago ng kilos sa hinaharap. Lubos na saloobin iyon ng pagpapasakop. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng mga pusong nagpapasakop sa Diyos. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang Kanyang hinihingi sa kanila, anuman ang gawaing Kanyang ginagawa o ang mga kapaligirang Kanyang isinasaayos para sa kanila, magiging madali para sa mga tao na magpasakop dito. Ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi magiging ganoon kalaking balakid para sa kanila, magiging madaling lutasin at mapagtagumpayan ang mga iyon. Sa puntong iyon, magiging walang kahirap-hirap para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan, at makapagtatamo sila ng pagpapasakop sa Diyos. Ang mga ito ang mga tanda ng pagbabago ng disposisyon. Kapag kaya ng isang tao na isagawa ang katotohanan at tunay na magpasakop sa Diyos, maaaring sabihin na nagkaroon na ng pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay—isang tunay na pagbabago, isang pagbabago na lubos na natamo sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. At ang lahat ng pag-uugali na lumalabas sa mga tao sa prosesong ito, mga positibong pag-uugali man ang mga ito o normal na pagkanegatibo at kahinaan, ay kinakailangan at hindi mapipigilan. Yamang mayroong mga positibong pag-uugali, kailangan ay mayroon ding mga pag-uugali ng pagkanegatibo at kahinaan—ngunit ang pagkanegatibo at kahinaan ay pansamantala lamang. Sa sandaling magtaglay ang isang tao ng partikular na tayog, mas mababawasan ang kanyang mga negatibo, mahinang kalagayan, at lalong madaragdagan ang mga positibong pag-uugali at pagpasok, at lalo pang magiging maprinsipyo ang kanyang mga kilos. Ang gayong tao ay isang taong nagpapasakop sa Diyos, at isang taong nagbago ang disposisyon sa buhay matapos maalis ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Maaaring masabi na ang mga ito ang mga resultang nakakamit ng mga naghahangad sa katotohanan sa pamamagitan ng pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpupungos, pagsubok, at pagpipino sa kanila.

Yamang narinig at naunawaan na ngayon ng lahat ng tao ang mga partikular, normal na proseso ng paghahangad sa katotohanan, hindi na sila dapat gumawa ng iba’t ibang katwiran o dahilan kung bakit sila tutol sa katotohanan, o lumalaban dito, o hindi naghahangad dito. Matapos maunawaan ang mga katotohanang ito at makita nang malinaw ang problemang ito, may pagkilatis na ba kayo ngayon sa mga katwiran at dahilan na ibinibigay ng mga tao para sa hindi paghahangad sa katotohanan? Kapag sinabi ng isang nakatatanda na, “Matanda na ako. Hindi na ako pursigido o masigasig tulad ng isang bata. Sa pagtanda, nawawala na sa akin ang pagiging agresibo at ambisyon ng kabataan, at hindi na ako nagiging mapagmataas. Kaya kalokohan ang sinasabi mo na mapagmataas ako—hindi ako ganoon!” Tama ba siya? (Hindi.) Malinaw na hindi. May pagkilatis na kayong lahat ngayon sa gayong mga salita. Mailalantad ninyo ang taong iyon at masasabing, “Kahit na matanda ka na, mayroon ka pa ring mapagmataas na disposisyon. Buong buhay mo ay naging mapagmataas ka nang hindi ito kailanman nilulutas. Gusto mo bang patuloy na maging mapagmataas?” Sinasabi ng ilang nakababata, “Napakabata ko pa, hindi ko pa nararanasan ang magugulong bahagi ng lipunan o hindi pa ako naghirap at natangay ng iba’t ibang grupo. Wala ako ng mga karanasang taglay ng mga taong nakapaglakbay na sa mundo—at higit sa lahat, siyempre, hindi ako kasing tuso o taksil ng mauutak na matandang iyon. Bilang isang kabataan, normal na magkaroon ako ng bahagyang mapagmataas na disposisyon; kahit paano ay hindi ako kasingmapagpakana, mapanlinlang, at buktot gaya ng isang matanda.” Nararapat bang sabihin ito? (Hindi.) Ang bawat tao ay may tiwaling disposisyon. Wala itong kinalaman sa edad o kasarian. Taglay mo ang taglay ng iba, at taglay nila ang taglay mo. Hindi na kailangang magturuan pa ng sinuman. Siyempre, hindi sapat na kilalanin lang na ang lahat ay may tiwaling disposisyon. Yamang tinanggap mo nang mayroon kang tiwaling disposisyon, kailangan mong hanapin ang katotohanan para lutasin ito—hindi mo maaabot ang layunin mo hangga’t hindi mo natatamo ang katotohanan at hindi nagbabago ang disposisyon mo. Sa huli, ang paglutas sa isang tiwaling disposisyon ay nakasalalay sa iyong pagtanggap sa katotohanan, pagbitiw sa mga katwiran at dahilan mo, at kakayahang harapin nang tama ang iyong tiwaling disposisyon. Kailangan ay hindi mo ito iwasan o takasan gamit ang mga pagpapalusot, at talagang kailangang hindi mo ito tanggihan. Madaling matamo ang mga bagay na ito. Ano ang pinakamahirap na gawin? May naiisip Ako. May mga taong nagsasabing, “Sabihin na natin na hinahangad ko ang katotohanan o na hindi ko ito hinahangad, sabihin na nating hindi ko minamahal ang katotohanan o na tutol ako rito, ihayag mo na mayroon akong tiwaling disposisyon—babalewalain lang kita. Ginagawa ko ang anumang ipinagagawa sa akin ng sambahayan ng Diyos o anumang gawaing kailangang gawin. Nakikinig ako sa panahon ng mga sermon at pagtitipon, sumasabay ako sa pagbabasa kapag ang lahat ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, pinapanood ko nang mabuti ang mga video ng patotoo ng karanasan kasama ninyo, at kumakain ako kapag kumakain kayo. Kasabay ninyo ako. Sino sa inyo ang makapagsasabi na hindi ko hinahangad ang katotohanan? Ganito ako manampalataya, kaya pwede ninyong gawin o sabihin ang anumang gusto ninyo, wala akong pakialam!” Ang ganitong uri ng tao ay nagpapanggap na hindi siya nagdadahilan o nangangatwiran, ngunit wala rin siyang layunin na hangarin ang katotohanan. Para bang walang kinalaman sa kanya ang gawaing pagliligtas ng Diyos, para bang hindi niya ito kailangan. Hindi tahasang sinasabi ng ganitong uri ng mga tao na, “Mabuti ang pagkatao ko, tunay akong naniniwala sa Diyos, handa akong talikdan ang mga bagay, nagagawa kong magdusa at magbayad ng halaga. Bukod pa roon, kailangan ko pa bang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos?” Hindi nila ito tahasang sinasabi, wala silang malinaw na saloobin sa katotohanan, at hindi nila ipinakikitang kinokondena nila ang gawain ng Diyos. Gayunman, paano itinuturing ng Diyos ang gayong mga tao? Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung masyado silang walang pakialam sa mga salita ng Diyos at ipinagwawalang-bahala ang mga ito, malinaw na malinaw ang saloobin ng Diyos sa kanila. Tulad lang ito ng linya sa Bibliya, na nagsasabing, “Kaya naman sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi mainit ni malamig, isusuka kita sa Aking bibig” (Pahayag 3:16). Ayaw sa kanila ng Diyos, at gulo ang ibig sabihin niyon. May gayon bang mga tao sa iglesia? (Oo.) Kaya, paano sila dapat ikategorya? Saan sila dapat ikategorya? Hindi sila kailangang ikategorya. Sa madaling salita, hindi hinahangad ng gayong mga tao ang katotohanan. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan o pinagninilayan at kinikilala ang kanilang mga sarili, at wala silang mga pusong nagsisisi—sa halip ay magulo at malabo ang pananampalataya nila sa Diyos. Ginagawa nila ang anumang ipinagagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, nang hindi nagdudulot ng anumang kaguluhan o pagkagambala. Tanungin ninyo sila, “Mayroon ka bang anumang kuru-kuro?” “Wala.” “Mayroon ka bang anumang tiwaling disposisyon?” “Wala.” “Nais mo bang magtamo ng kaligtasan?” “Hindi ko alam.” “Kinikilala mo ba na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan?” “Hindi ko alam.” Tanungin ninyo sila ng kahit na ano, at sasabihin nila na hindi nila alam. May problema ba sa gayong mga tao? (Oo.) Mayroon, subalit pakiramdam nila ay hindi ito problema, at na hindi ito kailangang lutasin. Sabi sa Bibliya, “Kaya naman sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi mainit ni malamig, isusuka kita sa Aking bibig.” Ang pariralang iyon—“isusuka kita sa Aking bibig”—ang prinsipyo sa pakikitungo sa gayong mga tao; ito ang resulta na sasapit sa kanila. Ang pagiging hindi mainit ni malamig ay nangangahulugan na walang anumang pananaw ang mga taong ito; nangangahulugan ito na paano man kayo magbahagi sa kanila tungkol sa mga usapin ng pagbabago ng disposisyon o kaligtasan, nanatili silang walang pakialam. Ano ba ang kahulugan ng “walang pakialam” dito? Nangangahulugan ito na hindi sila interesado sa gayong mga usapin at ayaw nilang marinig ang mga iyon. Maaaring sabihin ng ilan, “Ano ba ang napakasama sa kawalan ng mga pananaw o pagpapakita ng katiwalian?” Napakalaking kalokohan! Mga walang kaluluwa, patay na tao ang mga ito, hindi mainit ni malamig, at walang paraan ang Diyos para gumawa sa kanila. Pagdating sa mga taong hindi maililigtas, isinusuka lang sila ng Diyos at iniiwanan na sila. Hindi Siya gumagawa sa kanila, at hindi tayo gagawa ng anumang pagsusuri sa gayong mga tao, babalewalain lang natin sila. Kung may gayong mga tao sa iglesia, maaari silang manatili basta hindi sila nagdudulot ng anumang kaguluhan—kung manggugulo sila, sila ay aalisin. Madali itong lutasin. Ang mga salita Ko ay nakaukol sa mga kayang tumanggap sa katotohanan, na nagnanais na hangarin ito at may malinaw na saloobin tungkol dito, na kumikilala na may mga tiwaling disposisyon sila at maaaring maligtas; ang mga ito ay nakaukol sa mga nakauunawa sa mga salita ng Diyos at nakaririnig sa Kanyang tinig, nakaukol ito sa mga tupa ng Diyos—nakaukol sa kanila ang mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay hindi nakaukol sa mga hindi mainit ni malamig sa Kanya. Ang gayong mga tao ay hindi interesado sa katotohanan, at hindi mainit ni malamig sa mga salita at gawain ng Diyos. Ang paraan ng pakikitungo sa gayong mga tao ay ang sabihing, “Umalis ka. Walang kinalaman sa Akin kung bakit ka ganyan”—huwag silang pansinin at huwag magsayang ng anumang pagsisikap sa kanila.

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa ilang negatibong halimbawa sa paksa ng paghahangad sa katotohanan. Madalas na hindi namamalayan na nag-iisip ang mga tao ng iba’t ibang katwiran, dahilan, at pagkukunwari upang gamitin para itanggi ang mga pagpapakita nila ng mga tiwaling disposisyon—siyempre, madalas din nilang itinatago ang pag-iral ng kanilang mga tiwaling disposisyon, niloloko ang kanilang mga sarili at ang iba. Ang mga ito ang mga katawa-tawa at hangal na paraan ng tao. Sa isang banda, kinikilala ng mga tao na ang lahat ng salita ng Diyos na humahatol sa tao ay ang katotohanan; sa kabilang banda naman, itinatanggi nila ang pag-iral ng sarili nilang mga tiwaling disposisyon, maging ang kanilang mga maling pag-uugali na lumalabag sa katotohanan. Isa itong malinaw na tanda na hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Itinatanggi mo man o tinatanggap na mayroon kang tiwaling disposisyon, o nagbibigay ka man ng mga dahilan, katwiran, o maling argumento para sa mga pagpapakita mo ng tiwaling pag-uugali—sa madaling salita, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, hindi mo matatamo ang pagliligtas ng Diyos. Hindi ito mapabubulaanan. Ang sinumang kahit kaunti ay hindi naghahangad sa katotohanan ay mailalantad at matitiwalag sa huli, gaano karaming taon man siyang naging mananampalataya. Kakila-kilabot ang kahihinatnang ito. Hindi na magtatagal bago maganap ang mga sakuna at ikaw ay malalantad, at pagdating ng mga sakuna, matatakot ka. Maaaring marami kang katwiran at dahilan, o maaaring mahusay ang pagpapanggap mo at tagong-tago ka, ngunit may isang katunayang hindi maitatanggi: hindi natinag ang iyong tiwaling disposisyon, hindi ito nagbago kahit kaunti. Hindi mo magawang tunay na kilalanin ang iyong sarili, hindi mo kayang tunay na magsisi, at sa huli, hindi ka tunay na makapagbabago ng sarili o makapagpapasakop sa Diyos, at hindi babaguhin ng Diyos ang isip Niya sa iyo. Hindi ba’t labis kang mapapahamak kung gayon? Manganganib kang matiwalag. Iyon ang dahilan kung bakit bibitiwan ng isang matalinong tao ang mga walang kabuluhang dahilan at hangal na mga katwirang ito at iwawaksi ang kanyang mga pagpapanggap at pagkukubli. Haharapin niya nang tama ang mga tiwaling disposisyong ipinakikita niya at gagamitin ang mga tamang pamamaraan para harapin at lutasin ang mga iyon, magsisikap siya na gawing mabubuting gawa ang lahat ng kanyang ginagawa at ikinikilos, upang baguhin ng Diyos ang Kanyang isipan tungkol sa kanya. Kung babaguhin ng Diyos ang Kanyang isipan tungkol sa iyo, patutunayan niyon na tunay ka na Niyang napawalang-sala sa iyong dating pagrerebelde at paglaban. Mapapayapa at magagalak ka, at hindi ka na mapipigilan, na para bang gumaan ang dalahin mo. Ang pakiramdam na ito ay ang pagpapatibay ng iyong espiritu; may pag-asa ka na ngayong maligtas. Ang pag-asang ito ang ipinagpalit mo sa mga halagang ibinayad mo sa iyong paghahangad sa katotohanan at sa mabubuti mong gawa. Ito ang resultang nakuha mo sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at paghahanda ng mabubuting gawa. Sa kabaligtaran, maaaring isipin mo na matalino ka na, at maaaring makahanap ka ng maraming katwiran upang ipagtanggol at ipawalang-sala ang iyong sarili sa tuwing magpapakita ka ng katiwalian. Maaari mong pagtakpan at ikubli ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon ay mautak na maiwasan ang pangangailangang pagnilayan at alamin iyon, na para bang hindi ka nagpakita ng anumang katiwalian. Maaaring isipin mo na napakatalino mo, sa pag-iwas, nang paulit-ulit, sa paglalantad ng iba’t ibang kapaligiran na isinaayos ng Diyos. Hindi mo mapagninilayan o makikilala ang iyong sarili, hindi mo makakamit ang katotohanan, at mapalalampas mo ang maraming pagkakataon para magawang perpekto ng Diyos. Ano ang mga magiging kahihinatnan nito? Isantabi muna natin kung kaya mong magsisi o magtamo ng kaligtasan, at sabihin na lang natin na kung paulit-ulit kang bibigyan ng Diyos ng mga pagkakataon para magsisi, at kailanman ay wala sa mga iyon ang magtulak sa iyo na magbago ang isip mo, malalagay ka sa matinding panganib. Ano ang saysay ng husay mong ipagtanggol ang iyong sarili, ng galing mong ipresenta ang iyong sarili, ng husay mong magpanggap, ng husay mong magdahilan at mangatwiran para sa iyong sarili? Kung paulit-ulit ka nang binigyan ng Diyos ng mga pagkakataon, at hindi ka man lang nito naitulak na baguhin ang iyong isipan, nasa panganib ka. Alam mo ba kung ano ang panganib na iyon? Nagpapatuloy ka sa matigas na pagdadahilan para sa iyong tiwaling disposisyon, sa pagdadahilan at pangangatwiran para sa hindi paghahangad sa katotohanan, at paglaban at pagtanggi sa paghatol ng Diyos at sa gawain Niya, subalit, sa palagay mo ay maayos ka naman at naniniwala ka na malinis ang iyong konsiyensiya. Ayaw mong tumanggap ng pangangasiwa at pagpupungos ng sambahayan ng Diyos, paminsan-minsan ay tumatakas sa paghatol, pagkastigo, at pagliligtas ng Diyos, nang may pusong puno ng pagrerebelde sa Kanya—kinamumuhian ka na ng Diyos at iniwanan ka na Niya, subalit, iniisip mo na maaari ka pa ring maligtas. Hindi mo ba alam na palayo na nang palayo ang tinatahak mong maling landas at na hindi ka na matutubos? Ang Diyos ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Sa palagay mo ba ay hindi ka na saklaw ng awtoridad ng Diyos kapag nilalabanan mo Siya at ginagawa mo ang sari-saring kasamaan mo? Hindi mo tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi mo natamo ang katotohanan at buhay, at wala kang kahit kaunting patotoo ng karanasan. Dahil dito, kinokondena ka ng Diyos. Nagdadala ka ng kapahamakan sa iyong sarili. Walang katalinuhan doon—kahangalan ito, matinding kahangalan! Napakalaking kapahamakan nito! Nailatag na natin ito rito—kung hindi mo ito paniniwalaan, maghintay ka lang at makikita mo. Huwag mong iisipin na kung marami kang katwiran para sa hindi paghahangad sa katotohanan, at mahusay kang magsalita at magpakana, na kung walang makatatalo sa pangangatwiran mo at hindi ka mailalantad ng mga kapatid, at kung walang katwiran ang iglesia para paalisin ka, ay walang anumang magagawa sa iyo ang sambahayan ng Diyos. Nagkakamali ka roon. Patuloy kang nakikipagkompetensiya sa Diyos; tingnan Ko kung gaano ka katagal makapagkokompetensiya sa Kanya! Magagawa mo bang makipagkompetensiya sa Kanya hanggang sa araw na gantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parusahan ang masasama pagkatapos ng Kanyang gawain? Masisiguro mo ba na hindi ka mamamatay sa mga sakuna—na makaliligtas ka sa mga iyon? Talaga bang mayroon kang kataas-taasang kapangyarihan sa sarili mong kapalaran? Maaari kang tulutan ng mga katwiran at dahilan mo na makatakas sa pagsisiyasat ng sambahayan ng Diyos sa loob ng ilang panahon; maaari kang mabigyang-daan ng mga iyon na mapahaba ang iyong hindi marangal na pag-iral sa loob ng ilang panahon. Maaari mong pansamantalang mabulag ang mga tao, at ipagpatuloy ang pagpapanggap at pandaraya sa iba sa iglesia at pag-okupa ng pwesto roon—ngunit hindi mo matatakasan ang pagsusuri at pagsisiyasat ng Diyos. Pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao batay sa kung taglay niya ang katotohanan o hindi; ginagawa Niya ang sarili Niyang gawain at paggigiik. Anong uri ka man ng tao o demonyo, hindi mo matatakasan ang paghatol at pagkokondena ng Diyos. Sa sandaling maunawaan ng mga hinirang ng Diyos ang katotohanan at magtamo ng pagkilatis, walang sinuman ang makatatakas, at saka ka mapaaalis sa iglesia. Maaaring hindi makumbinsi ang ilang tao at magreklamo na, “Labis akong naging abala para sa Diyos, napakarami kong nagawang gawain para sa Kanya, at nagbayad ako ng malaking halaga. Iniwanan ko ang aking pamilya at ang aking asawa; ibinigay ko ang kabataan ko para sa Diyos at sa Kanyang gawain. Iniwanan ko ang aking karera at iginugol ang kalahati ng lakas ng aking buhay, sa pag-iisip na tiyak na matatamo ko ang mga pagpapalang ipinagkakaloob Niya. Hinding-hindi ko naisip na matitiwalag ako dahil sa hindi paghahangad sa katotohanan at hindi kailanman pagsasagawa nito!” Hindi mo ba alam na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba malinaw sa iyo kung sino ang ginagantimpalaan ng Diyos at sino ang Kanyang pinagpapala? Kung ang iyong pagtatakwil at paggugol ay nagbigay-daan sa tunay na patotoo ng karanasan, at nagpapatotoo rin ang mga iyon sa gawain ng Diyos, gagantimpalaan at pagpapalain ka ng Diyos. Kung ang iyong pagtatakwil at paggugol ay hindi tunay na patotoo ng karanasan, at lalong hindi patotoo sa gawain ng Diyos, kung sa halip ay patotoo ang mga iyon sa iyong sarili, isang kahilingan sa Diyos na kilalanin ang iyong mga tagumpay, tinatahak mo ang landas na pareho kay Pablo. Ang ginagawa mo ay masama at paglaban sa Diyos, at sasabihin sa iyo ng Diyos, “Layuan mo Ako, masama kang tao!” At ano ang ibig sabihin nito? Magiging patunay ito na ikaw ay napinsala, nakatakdang masadlak sa mga sakuna at maparusahan. Mapapahamak ka. Nakatataas si Pablo sa pangkaraniwang tao noong panahon niya pagdating sa katayuan, sa gawaing ginagawa niya, sa husay niya, at sa mga kaloob niya—ngunit ano ang naging bunga niyon? Mula sa simula hanggang sa dulo ng pananampalataya niya sa Diyos, sinubukan ni Pablo na makipagtransaksyon sa Diyos, na magtakda ng mga kondisyon; naghangad siya ng gantimpala at korona mula sa Diyos. Sa huli, hindi siya tunay na nagsisi o naghanda ng maraming mabuting gawa—at natural, hindi talaga siya nagkaroon ng maraming tunay na patotoo ng karanasan. Matatamo kaya niya ang kapatawaran ng Diyos nang hindi tunay na nagsisisi? Mahihikayat kaya niya ang Diyos na magbago ng isip tungkol sa kanya? Magiging imposible iyon. Iginugol ni Pablo ang buong buhay niya para sa Panginoon, ngunit dahil tinahak niya ang landas ng isang anticristo at talagang tumangging magsisi, bukod sa hindi siya ginantimpalaan—naparusahan pa siya ng Diyos. Malinaw na napakalaking kapahamakan ng dinanas niyang bunga. Kaya, malinaw Kong sinasabi ngayon sa iyo na kung isa kang taong hindi naghahangad ng katotohanan, dapat na, kahit papaano, magkaroon ka ng kaunting katinuan at huwag kang makipagtalo sa Diyos o magtaya ng iyong kahihinatnan at hantungan, na para bang nagsusugal ka. Isa iyong pagtatangka na makipagtransaksyon sa Diyos, na isang paraan ng paglaban sa Kanya. May mabuting katapusan ba para sa mga sumasampalataya sa Diyos subalit lumalaban sa Kanya? Nagiging maganda ang asal ng mga tao sa harap ng kamatayan; ang mga hindi naaapektuhan ng katwiran ay hindi titigil sa kanilang mga gawi hanggang sa nasa bingit na sila ng kamatayan. Upang maligtas, ang pinakamainam, pinakasimple, at pinakamahusay na pamamaraan ay bitiwan ang lahat ng iyong mga dahilan, katwiran, at kondisyon, at praktikal na tanggapin at hangarin ang katotohanan, sa gayon ay nahihikayat ang Diyos na baguhin ang Kanyang isipan tungkol sa iyo. Kapag binago ng Diyos ang Kanyang isipan tungkol sa iyo, may pag-asa ka nang maligtas. Ang pag-asa ng tao sa kaligtasan ay ibinibigay ng Diyos, at ang paunang kondisyon para ibigay ng Diyos sa iyo ang pag-asang ito ay bitiwan mo ang lahat ng bagay na iyong itinatangi at talikdan ang lahat para sundin Siya at hangarin ang katotohanan, nang hindi sinusubukang makipagtransaksyon sa Kanya. Hindi mahalaga kung bata ka man o matanda, lalaki o babae, may pinag-aralan o walang pinag-aralan, ni hindi mahalaga kung saan ka ipinanganak. Hindi tinitingnan ng Diyos ang alinman sa mga bagay na ito. Maaaring sabihin mo, “Maganda ang ugali ko. Matiyaga ako, mapagpaubaya, at maawain. Kung ipagpapatuloy ko ang pagiging matiyaga hanggang sa huli, mahihikayat niyon ang Diyos na baguhin ang isipan Niya tungkol sa akin.” Walang saysay ang mga bagay na iyon. Hindi tinitingnan ng Diyos ang iyong ugali, o personalidad, o pinag-aralan, o edad, ni hindi mahalaga kung gaano ka katinding nagdusa o gaano karaming gawain ang iyong nagawa. Itatanong sa iyo ng Diyos, “Sa lahat ng mga taon mo ng pananampalataya, nagbago ba ang disposisyon mo? Ano ang isinasabuhay mo? Hinangad mo ba ang katotohanan? Tinanggap mo ba ang mga salita ng Diyos?” Maaaring sabihin mo, “Pinakinggan at tinanggap ko ang mga iyon.” Pagkatapos ay itatanong sa iyo ng Diyos, “Yamang pinakinggan mo ang mga iyon, at tinanggap ang mga iyon, nalutas ba ang iyong tiwaling disposisyon? Tunay ka bang nagsisi? Tunay ka bang nagpasakop sa mga salita ng Diyos at tinanggap ang mga iyon?” Sasabihin mo, “Nagdusa ako at nagbayad ng halaga; iginugol ko ang aking sarili at tinalikdan ang mga bagay-bagay, at nagbigay ako ng mga handog—inihandog ko rin ang aking mga anak sa Diyos.” Walang saysay ang lahat ng mga handog mo. Ang gayong mga bagay ay hindi maipagpapalit sa mga pagpapala ng kaharian ng langit o magagamit upang mahikayat ang Diyos na baguhin ang Kanyang isipan tungkol sa iyo. Ang tanging paraan para mahikayat ang Diyos na baguhin ang Kanyang isipan tungkol sa iyo ay ang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Wala nang ibang paraan. Kailangan ay hindi maging mapagsamantala o tuso ang tao pagdating sa kaligtasan, at walang madayang pamamaraan. Nauunawaan mo ba? Kailangan maging malinaw sa iyo ito. Huwag kang magulumihanan dito—kahit na magulumihanan ka, hindi magugulumihanan ang Diyos. Kaya, ano na ang dapat mong gawin mula ngayon? Baguhin mo ang saloobin mo at baguhin ang pananaw mo, at hayaan mong maging saligan mo ang mga salita ng Diyos, anuman ang ginagawa mo. Walang gawang-taong “kabutihan,” walang dahilan ng tao, walang pilosopiya, kaalaman, kagandahang-asal, etika, o kahit konsiyensiya ng tao, ni ang diumano ay integridad at dignidad ng tao, ang makapapalit sa katotohanan. Isantabi mo ang mga bagay na ito, patahimikin mo ang iyong puso, at hanapin mo ang saligan sa lahat ng iyong pag-uugali at kilos sa loob ng mga salita ng Diyos. At habang ginagawa mo iyon, hanapin mo ang paghahayag ng Diyos sa iba’t ibang aspeto ng tiwaling disposisyon ng tao sa loob ng Kanyang mga salita. Ihambing mo ang sarili mo sa mga iyon, at lutasin mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Magsikap ka na makilala ang iyong sarili sa lalong madaling panahon, iwaksi mo ang katiwalian, at magmadali kang magsisi at magbago ng iyong sarili. Bitiwan mo ang iyong kasamaan at hanapin mo ang mga katotohanang prinsipyo sa iyong pag-uugali at mga kilos, ibatay mo ang lahat ng iyon sa mga salita ng Diyos—kailangan ay talagang hindi mo ibatay ang mga bagay na ito sa mga kuru-kuro at guni-guni ng tao. Kailangan ay talagang hindi ka sumubok na makipagtransaksyon sa Diyos; kailangan ay hindi mo subukang ipagpalit ang iyong mga walang kabuluhang pagdurusa at sakripisyo para sa mga gantimpala at pagpapala ng Diyos. Itigil mo ang paggawa sa gayong mga hangal na bagay, upang maiwasang magalit sa iyo ang Diyos, at isumpa ka, at alisin ka. Malinaw ba iyon? Naunawaan ba ninyo ito? (Oo.) Kung gayon, pag-isipan ninyo itong mabuti magmula ngayon.

Ang lahat ng katatapos lang natin pagbahaginan ay may kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, at kahit na hindi tayo nagbigay ng partikular na kasagutan sa konseptuwal na katanungang ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, nagkaroon naman tayo ng pagbabahaginan na nakatuon sa iba’t ibang maling pagkaunawa at baluktot na kaalaman ng tao sa paghahangad sa katotohanan, pati na ang iba’t ibang paghihirap at problema na umiiral kapag hinahangad ng isang tao ang katotohanan. Bilang pagtatapos, nais kong ibuod ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, ang mga paraan ng pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan, at kung ano ba talaga ang landas ng pagsasagawa para sa paghahangad sa katotohanan. Kaya, ano ba ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Ang paghahangad sa katotohanan ay ang pagsisimulang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad sa pamamagitan ng proseso ng pagdanas sa mga salita ng Diyos, at maging isang taong tunay na nakakikilala at nagpapasakop sa Diyos. Iyon ang pangwakas na resulta na natatamo sa paghahangad sa katotohanan. Siyempre, ang paghahangad sa katotohanan ay isang prosesong mayroong mga hakbang, at nahahati ito sa ilang yugto. Kapag nabasa mo na ang mga salita ng Diyos at nalaman na ang mga iyon ang katotohanan at realidad, magsisimula kang pagnilayan ang iyong sarili sa loob ng mga salita ng Diyos at magtatamo ng pagkakilala sa iyong sarili. Makikita mo na masyado kang rebelde at na napakarami mong ipinakikitang katiwalian. Nanaisin mong maisagawa ang katotohanan at magtamo ng pagpapasakop sa Diyos, at magsisimula kang magsikap tungo sa katotohanan. Iyon mismo ang resulta na ibinubunga ng pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili. Mula sa sandaling iyon, magsisimula ang karanasan mo sa buhay. Kapag sinimulan mong siyasatin at suriin ang mga kalagayan at problemang nagmumula sa iyong tiwaling disposisyon, pinatutunayan nito na nagsimula ka nang hangarin ang katotohanan. Maagap mo nang mapagninilayan at masusuri ang anumang problemang nagaganap o anumang katiwaliang ipinakikita mo. At kapag napagtanto mo na mga pagpapakita nga iyon ng katiwalian at ng isang tiwaling disposisyon, natural na hahanapin mo ang katotohanan at sisimulang lutasin ang mga problemang iyon. Ang pagpasok sa buhay ay nagsisimula sa pagninilay sa sarili; ito ang unang hakbang sa paghahangad sa katotohanan. Pagkatapos na pagkatapos niyon, sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili ay makikita mo na ang lahat ng salita ng Diyos na naglalantad ay naaayon sa mga katunayan. Pagkatapos ay makapagpapasakop ka na sa mga iyon nang mula sa iyong puso, at matatanggap mo ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Iyon ang ikalawang hakbang sa paghahangad sa katotohanan. Karamihan sa mga tao ay nagagawang tanggapin ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling pag-uugali ng tao, ngunit hindi nila kayang tanggapin agad ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tiwaling diwa ng tao. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, hindi nila kinikilala ang lubos na kalaliman ng sarili nilang katiwalian; kinikilala lang nila ang mga salita ng Diyos na naghahayag sa mga tiwaling pag-uugali ng tao. Dahil dito, hindi nila kayang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos nang mula sa kanilang mga puso. Sa halip, ipinagwawalang-bahala nila ito. Sinasabi ng ilan, “Ilan lang ang tiwaling pag-uugali ko, pero nakagagawa ako ng ilang mabubuting bagay. Mabuting tao ako, hindi ako kay Satanas. Sumasampalataya ako sa Diyos, kaya dapat ay sa Diyos ako.” Hindi ba’t kalokohan ito? Ipinanganak ka sa mundo ng tao, nabuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at nakatanggap ka ng edukasyon ng tradisyonal na kultura. Ang likas na minana mo at ang kaalamang natutuhan mo ay mula kay Satanas. Ang lahat ng dakila at tanyag na taong tinitingala mo ay kay Satanas. Sa pagsasabi ba na hindi ka kay Satanas ay matatakasan mo na ang katiwalian nito? Katulad lang ito ng kung paano nakapagsisinungaling at nakapang-iinsulto ng iba ang mga bata sa sandaling ibuka nila ang kanilang mga bibig. Sino ang nagtuturo sa kanilang gawin iyon? Wala. Ano pa nga ba iyon, maliban sa isang bunga ng katiwalian ni Satanas? Mga katunayan ang mga ito. Hindi nakikita ng mga tao si Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga buhay na demonyo at ang mga hari ng demonyo ay nasa lahat ng dako sa mundo ng tao. Silang lahat ay mga pagkakatawang-tao ni Satanas. Isa itong katunayan na kailangang kilalanin ng lahat ng tao. Ang mga nakauunawa sa katotohanan ay hindi malilinlang ng mga bagay na ito, at kaya nilang kilalanin na ang lahat ng salita ng Diyos ng paglalantad ay mga katunayan. Maaaring magsalita ang ilang tao tungkol sa pagkakilala sa kanilang mga sarili, ngunit hindi nila kailanman kinikilala na tunay ang mga katiwaliang inihahayag ng mga salita ng Diyos, o na ang Kanyang mga salita ang katotohanan. Katumbas ito ng kawalan ng kakayahang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi kinikilala ng isang tao ang katunayan na nagtataglay siya ng tiwaling disposisyon, hindi siya tunay na makapagsisisi. Siyempre, kailangan munang maranasan ng isang tao nang ilang panahon ang gawain ng Diyos upang makilala at matanggap niya ang katunayan na ang lahat ng tao ay nagtataglay ng tiwaling disposisyon. Pagkatapos magpakita ng maraming tiwaling disposisyon, natural niyang iyuyuko ang kanyang ulo sa pagpapasakop sa harap ng katunayang iyon. Wala siyang magagawa kundi kilalanin na ang lahat ng salita ng Diyos na naghahayag, humahatol, at kumokondena sa tao ay mga katunayan at ang katotohanan, at lubos na tanggapin ang mga iyon. Iyon ang kahulugan ng malupig ng mga salita ng Diyos. Kapag nagagawang kilalanin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa batay sa mga salita ng Diyos, at aminin na nagtataglay sila ng satanikong disposisyon at na malalim ang kanilang katiwalian, magagawa na nilang lubos na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at magpasakop sa mga ito. Magiging handa na silang magpasakop sa mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa sangkatauhan, gaano man kalupit o kasakit ang mga iyon. Kapag naunawaan mo na at nagkaroon ka na ng kaunting kaalaman sa kung paano tinutukoy, inuuri, at kinokondena ng mga salita ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, pati na kung paano hinahatulan at inihahayag ng mga ito ang tiwaling sangkatauhan, kapag tunay mo nang tinanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at nasimulan mo nang kilalanin ang sarili mong tiwaling disposisyon at tiwaling diwa, kapag nasimulan mo nang kapootan ang iyong tiwaling disposisyon, si Satanas, at ang sarili mong laman—at kapag nais mo nang matamo ang katotohanan, mabuhay nang tulad ng nararapat sa tao, at maging isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos—saka ka magsisimulang tumuon sa paghahangad ng pagbabago sa iyong disposisyon. Ito ang ikatlong hakbang sa paghahangad sa katotohanan.

Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay nangangahulugan ng pagninilay at pagkilala sa tiwaling disposisyon ng isang tao batay sa mga salita ng Diyos, sa gayon ay nagtatamo ng kaalaman sa tiwaling diwa ng isang tao at sa katunayan ng katiwalian ng isang tao. Kapag ginawa ito ng isang tao, makikita niya nang napakalinaw ang napakalalim na katiwalian ng sangkatauhan—makikita niya na hindi nabubuhay ang sangkatauhan gaya ng nararapat sa mga tao, na nagsasabuhay lang ang sangkatauhan ng mga tiwaling disposisyon, at na walang ni katiting na konsiyensiya o katwiran ang sangkatauhan. Makikita niya na ang mga pananaw ng mga tao sa lahat ng bagay ay pawang kay Satanas, at na wala sa mga iyon ang tama o alinsunod sa katotohanan, at na ang mga kagustuhan, paghahangad, at ang mga landas na pinipili ng mga tao ay lahat may mga lason ni Satanas, at na lahat ng ito ay naglalaman ng maluluhong pagnanasa at layunin ng tao na magtamo ng mga pagpapala. Makikita niya na ang mga disposisyong ipinakikita ng tao ay ang mismong disposisyon at kalikasang diwa ni Satanas. Hindi simpleng bagay ang makilala nang gayon kalalim ang sarili; matatamo lang ito batay sa mga salita ng Diyos. Kung ito ay ginagawa batay sa mga teorya ng moralidad, pahayag, at ideya ng tradisyonal na kultura, makapagtatamo ba ang isang tao ng tunay na pagkakilala sa sarili? Talagang hindi. Ang iyong tiwaling disposisyon ay nagmula sa loob ng mga satanikong pilosopiya at teoryang ito. Hindi ba’t magiging katawa-tawa, na ibatay ang iyong pagkakilala sa sarili sa mga bagay na ito na pagmamay-ari ni Satanas? Hindi ba’t walang-kaalam-alam na kalokohan ito? Samakatuwid, ang pagkakilala sa sarili ay kailangang nakabatay sa mga salita ng Diyos. Tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at tanging ang mga salita ng Diyos ang pamantayan kung saan lahat ng tao, usapin, at bagay ay nasusukat. Kung tunay mong nakikita na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at na ang mga iyon lamang ang tamang basehan kung saan masusukat ang lahat ng tao, usapin, at bagay, mayroon kang daan pasulong. Pagkatapos ay makapamumuhay ka na sa liwanag, na siyang pamumuhay sa harap ng Diyos. Kapag nagtatamo ang mga tao ng tunay na kaalaman sa sarili nilang tiwaling diwa sa loob ng mga salita ng Diyos, paano sila kikilos at magsasagawa pagkatapos? (Magsisisi sila.) Tama iyon. Kapag nagtamo na ng pagkakilala ang isang tao sa kanyang kalikasang diwa, natural na magkakaroon ng pagsisisi sa kanyang puso, at magsisimula na siyang magsisi. Nangangahulugan ito na maghahangad siyang alisin sa kanyang sarili ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at hindi na mamumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon. Sa halip, mamumuhay at kikilos siya ayon sa mga salita ng Diyos, at makakaya niyang magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang tunay na pagsisisi. Ito ang ikaapat na hakbang sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Malinaw sa inyong lahat kung ano ang tunay na pagsisisi, ngayon, paano ninyo ito dapat isagawa? Baguhin ang inyong sarili. Nangangahulugan ito na pagtalikod sa mga bagay na kinakapitan ninyo at iniisip ninyong tama, hindi pamumuhay ayon sa satanikong disposisyon, at pagiging handang isagawa ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos. Iyan ang kahulugan ng baguhin ang inyong sarili. Partikular na, kailangan muna ninyong kalimutan ang inyong sarili at tukuyin, batay sa mga salita ng Diyos, kung ang inyo bang mga kaisipan, ideya, kilos at gawa, ay nakaayon sa katotohanan, at kung paano nagsimula ang mga iyon. Kung malaman ninyo na ang mga bagay na ito ay ayon sa tiwaling disposisyon at nagmula sa mga satanikong pilosopiya, dapat kang magtaglay ng saloobin ng pagkondena at pagsumpa sa mga ito. Ang paggawa niyon ay nakakatulong sa paghihimagsik laban sa laman at kay Satanas. Anong uri ng pagkilos iyon? Hindi ba iyon pagtanggi, pagpapabaya, pagtatakwil, at paghihimagsik laban sa inyong tiwaling disposisyon? Ang pagtanggi sa mga bagay na pinaniniwalaan ninyong tama, pagbitiw sa inyong mga interes, paghihimagsik laban sa inyong mga maling layon, at makapagtamo ng pagbabago sa iyong takbo ay hindi ganoon kasimple, at maraming partikular na detalye rito. Kung handa kang magsisi, ngunit sinasabi mo lamang ito, at hindi mo itinatanggi, pinababayaan, itinatakwil, o hindi ka naghihimagsik laban sa iyong tiwaling disposisyon, hindi iyon pagpapamalas ng pagsisisi, at halos hindi mo pa napasok ang pagsisisi. Paano namamalas ang tunay na pagsisisi? Una, itinatanggi mo ang mga bagay na pinaniniwalaan mong tama, halimbawa: ang iyong mga haka-haka at hinihingi sa Diyos, gayundin ang mga bagay tulad ng iyong mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, ang iyong mga pamamaraan at gawi sa pagharap sa mga problema, ang iyong karanasan bilang tao, at iba pa. Ang pagtanggi sa lahat ng bagay na ito ay isang malinaw na pagsasagawa ng pagiging isang taong taos-pusong nagsisisi at bumabaling sa Diyos. Maaari mo lamang pakawalan ang mga maling bagay kapag naunawaan at natanggihan mo na ang mga iyon. Kung hindi mo tatanggihan ang mga bagay na iyon, at naniniwala ka pa rin na mabuti at tama ang mga iyon, hindi mo mabibitiwan ang mga iyon, kahit na sabihin man sa iyo ng iba. Sasabihin mo pa, “Mataas ang pinag-aralan ko, at mayaman ako sa karanasan. Naniniwala ako na tama ang mga bagay na ito, bakit ko pakakawalan ang mga ito?” Kung kakapit ka sa iyong mga paraan at nagpupumilit kang gawin iyon, magagawa mo bang tanggapin ang katotohanan? Hindi talaga iyon magiging madali. Kung gusto mong matamo ang katotohanan, kailangan mo munang tanggihan ang mga bagay na inaakala mong tama at positibo, pagkatapos ay makikita mo nang malinaw na ang mga bagay na ito ay negatibo sa diwa, na nagmumula ang mga ito kay Satanas, na lahat ng ito ay mapanlinlang na mga kamalian—at na ang pagkapit sa mga satanikong bagay ay ihahantong ka lamang sa paggawa ng masama, paglaban sa Diyos, at sa huli, maparurusahan at mapupuksa ka. Kung nakikita mo nang malinaw na ang mga kaisipan at lason na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay may kakayahang magsanhi ng pagkawasak ng tao, magagawa mong pabayaan ang mga ito nang lubusan. Siyempre pa, ang pagtanggi, pagpapabaya, pagtatakwil, paghihimagsik, at iba pa ay pawang mga saloobin at pamamaraang ginagamit ng isang tao laban sa mga pwersa at kalikasan ni Satanas, gayundin laban sa mga pilosopiya, lohika, kaisipan, at pananaw na ginagamit ni Satanas para iligaw ang mga tao. Halimbawa, ang pagbitiw sa mga interes ng laman; pagtalikod ng isang tao sa kanyang mga kagustuhan at paghahangad ng laman; pagtatakwil sa mga pilosopiya, kaisipan, maling paniniwala at kamalian ni Satanas; paghihimagsik laban sa impluwensiya ni Satanas at sa masasamang pwersa nito. Ang buong serye ng mga pagsasagawang ito ay pawang mga pamamaraan at landas kung paano maisasagawa ng mga tao ang pagsisisi. Para makapasok sa tunay na pagsisisi, kailangang maunawaan ng isang tao ang maraming katotohanan, saka lamang niya lubos na matatanggihan ang kanyang sarili at maghihimagsik laban sa kanyang laman. Halimbawa, sabihin nang naniniwala ka na maalam ka at mayaman sa karanasan, at na dapat kang maging mahalaga at may malaking silbi sa sambahayan ng Diyos. Subalit, dahil ilang taon mo nang naririnig ang mga sermon tungkol sa katotohanan at nauunawaan ang ilang katotohanan, pakiramdam mo ay walang halaga ang iyong mga natutuhan at wala ni katiting na silbi sa sambahayan ng Diyos. Natatanto mo na ang katotohanan at mga salita ng Diyos ang makapagliligtas sa mga tao, at na ang katotohanan ang maaaring maging buhay ng isang tao. Unti-unti mong nadarama na gaano man karami ang kaalaman at karanasan ng isang tao, hindi ito nangangahulugan na taglay niya ang katotohanan, at na gaano man nakaayon ang mga bagay ng tao sa mga haka-haka ng tao, hindi ang mga ito ang katotohanan. Natatanto mo na lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas, at na ang lahat ng ito ay negatibong bagay na walang kaugnayan sa katotohanan. Gaano ka man kaedukado, gaano man karami ang iyong kaalaman at karanasan, kakaunti ang silbi nito kung wala kang espirituwal na pang-unawa at hindi mo maunawaan ang katotohanan. Kung maglilingkod ka bilang isang lider, hindi mapapasaiyo ang katotohanang realidad, at hindi mo makakayang lumutas ng mga problema. Kung susulat ka ng sanaysay ng patotoo tungkol sa iyong karanasan, hindi mo maiisip ang tamang mga salita. Kung magpapatotoo ka para sa Diyos, hindi ka magkakaroon ng kaalaman tungkol sa Kanya. Kung ipapalaganap mo ang ebanghelyo, hindi mo magagawang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga haka-haka ng mga tao. Kung didiligan mo ang mga baguhan, hindi mo maililinaw ang tungkol sa katotohanan ng mga pangitain, at magagawa mo lamang ipangaral ang mga salita at doktrina. Kung hindi mo malutas ang sarili mong mga haka-haka, paano mo malulutas ang mga haka-haka ng mga baguhan? Hindi mo magagawa ang anuman sa gawaing ito—kaya ano ang magagawa mo? Kung hihilingin sa iyo na magpakapagod nang mabigat, iisipin mo na pagsasayang iyon sa talento mo. Sabi mo may talento ka, subalit hindi mo kayang gawin ang anumang gawain ni gampanan ang anumang tungkulin nang maayos—kaya ano ba talaga ang magagawa mo? Hindi sa ayaw kang gamitin ng sambahayan ng Diyos, bagkus ay hindi mo pa naisasakatuparan ang tungkuling dapat mong gawin. Hindi mo masisisi ang iglesia dahil diyan. Magkagayunman, maaari mong isipin sa sarili mo, “Hindi ba napakalaki ng inaasahan ng Diyos sa tao? Hindi ko kakayanin ang mga hinihinging ito. Bakit napakalaki ng hinihingi sa akin?” Kung gayon kalaki ang maling pagkaunawa ng isang tao sa Diyos, pinapatunayan nito na wala siyang pagkakilala sa Diyos at na hindi niya nauunawaan ni katiting ng katotohanan. Kung nadarama mo na ang iyong mga pananaw ay tama at hindi kailangang baligtarin, at kung kinikilala mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan sa teorya, subalit hindi mo mabitiwan ang basurang kinakapitan mo, ipinapakita nito na hindi mo pa nauunawaan ang katotohanan. Dapat kang humarap sa Diyos at maghanap pa sa katotohanan, at dapat mo pang basahin ang Kanyang mga salita at pakinggan ang iba pang mga sermon at pagbabahagi, pagkatapos ay unti-unti mong mauunawaan na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Bilang isang tao, ang unang paraan ng pagtrato mo dapat sa katotohanan at sa Diyos ay may pagpapasakop. Obligasyon ito ng tao. Kung mauunawaan mo ang mga bagay na ito, nangangahulugan ito na binabago mo ang iyong takbo. Ang pagbabago ng iyong takbo ay ang landas ng pagsasagawa para makapagsisi; ito ay pagtalikod nang lubusan sa mga bagay na minsan mong inakalang tama, na nagmumula kay Satanas, at pumili kang muli ng daan na iyong tatahakin. Ito ay pagsasagawa ng mga salita ng Diyos ayon sa Kanyang mga kinakailangan at mga katotohanang prinsipyo, at paglakad sa daan ng pagsisikap na matamo ang katotohanan. Ito ang kahulugan ng pagbaligtad ng landas ng buhay ng isang tao. Ito ay ang tunay na humarap sa Diyos, at makapasok sa realidad ng pagsisisi. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, masasabi na nagsimula na siyang pumasok sa katotohanang realidad, at tunay nang nakapagsisi. Kapag tunay nang nagsisi ang tao ay saka lang masasabi na nakapagsimula na siya sa daan tungo sa kaligtasan. Ang paggawa niyon ay paggawa sa ikaapat na hakbang sa paghahangad sa katotohanan.

Kapag tunay nang nagsisi ang isang tao, nagsimula na siya sa daan ng paghahangad sa katotohanan, pangunahin na hindi na siya magkikimkim ng anumang kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa gawain ng Diyos, magiging handa na siyang magpasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at pormal na niyang mararanasan ang gawain ng Diyos. Mahabang panahon ang transisyon sa pagitan ng simula ng paniniwala ng isang tao sa Diyos at ng pormal niyang pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang panahon ng transisyon na ito ay ang yugto na mula sa pagsisimula ng isang taong sumampalataya sa Diyos hanggang sa tunay siyang magsisi. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, hindi niya tatanggapin ang kahit katiting na paghatol at pagkastigo ng Diyos, ni ang katiting na katotohanan, at hinding-hindi niya magagawang kilalanin ang kanyang sarili. Ang gayong mga tao ay matitiwalag. Kung minamahal nga ng isang tao ang katotohanan, sa gayon, kapwa sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikinig sa mga sermon, tunay siyang may matatamo, at malalaman niya na ang gawain ng Diyos ay tungkol sa pagliligtas sa tao, at mapagninilayan niya ang kanyang sarili at makikilala ang kanyang sarili sa mga katotohanang nauunawaan niya; lalo’t higit niyang kapopootan ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon at lalo’t higit siyang magiging interesado sa katotohanan, hindi niya mamamalayan na magtatamo siya ng tunay na pagkakilala sa sarili, at tunay siyang makokonsiyensiya at magsisisi. Kapag ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga sermon, natural silang nagtatamo ng gayong mga resulta. Unti-unti nilang nakikilala ang kanilang mga sarili at natatamo ang tunay na pagsisisi. Sa sandaling tunay na magsisi ang isang tao, paano siya dapat magsagawa? Dapat niyang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay; anuman ang mangyari sa kanya, dapat niyang mahanap ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa batay sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magpatuloy hanggang sa masimulang isagawa ang katotohanan. Ito ang ikalimang hakbang sa paghahangad sa katotohanan. Ano ang layunin ng paghahanap sa katotohanan? Ang isagawa ang katotohanan at magtamo ng pagpapasakop sa Diyos. Ngunit upang maisagawa ang katotohanan, kailangan iyong gawin ng isang tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Iyon lamang ang tumpak na pagsasagawa ng katotohanan; iyon lamang ang nagbibigay-daan sa isang tao na magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Kaya, ang magawang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang layong makamit ng paghahangad sa katotohanan. Nangangahulugan ang pagdating sa hakbang na ito na nakapasok na ang isang tao sa realidad ng pagsasagawa ng katotohanan. Ginagawa ang paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, natural na unti-unting mababawasan ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at matatamo ng kanyang pagsasagawa ng katotohanan ang resultang hinihingi ng Diyos. Iyon ang proseso na nagsisimula sa tunay na pagsisisi patungo sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang minsang mabuhay sa gitna ng mga tiwaling disposisyon ay ang mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ang makondena at kamuhian ng Diyos ang lahat ng kilos at pag-uugali ng isang tao; ngayon, nang matanggap na ang katotohanan, tunay na makapagsisi, makapagsagawa ng katotohanan at makapagpasakop sa Diyos, at pagsasabuhay sa Kanyang mga salita—ito, siyempre, ay sinasang-ayunan ng Diyos. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay dapat na madalas na pagnilayan ang kanilang mga sarili. Dapat nilang kilalanin ang kanilang mga tiwaling disposisyon at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat silang magtamo ng tunay na pagkakilala sa kanilang tiwaling diwa at magkaroon ng pusong nagsisisi; dapat nilang simulang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay pagkatapos magsisi, magsagawa sila alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at magtamo ng pagpapasakop sa Diyos. Ito ang maisasakatuparan ng paghahangad sa katotohanan at unti-unting pagpapalalim sa pagpasok sa buhay ng isang tao. Kung hindi tunay na nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, imposible para sa kanya na magpasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos o tunay na magsisi. At kung hindi tunay na magsisisi ang isang tao, magpapatuloy ang taong iyon sa pamumuhay ng isang satanikong disposisyon. Hindi magkakaroon ng tunay na pagbabago sa kanya, gaano karaming taon man siyang sumampalataya sa Diyos. Magbabago nang kaunti ang kanyang pag-uugali; kaunti lamang. Imposible para sa mga hindi naghahangad sa katotohanan na tanggapin ang katotohanan bilang kanilang buhay, kaya tiyak na magiging mga pagpapakita pa rin ng tiwaling disposisyon ang kanilang mga kilos at pag-uugali, na ang mga ito ay magiging di-katugma ng katotohanan, at paglaban sa Diyos. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay kayang tanggapin ang katotohanan bilang kanilang buhay, kaya nilang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, isagawa ang katotohanan, at magtamo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay hahanapin ito kapag may nangyayaring mga bagay-bagay na hindi malinaw sa kanila. Hindi na sila magpapakana para sa sarili nilang kapakanan at iiwasan nila ang lahat ng kasamaan, nang may puso na kaayon ng Diyos. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay lalo pang nagpapasakop sa Diyos, at kaya nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, lalo pang nabubuhay nang tulad ng nararapat sa tao. Imposible ang gayong mga pagbabago para sa mga hindi naghahangad sa katotohanan. Ano ba ang hinahangad ng mga hindi naghahangad sa katotohanan? Naghahangad sila ng katanyagan, pakinabang at katayuan; naghahangad sila ng mga pagpapala at gantimpala. Ang mga ambisyon at pagnanasa nila ay lalo pang lumalaki, at hindi tama ang layon nila sa buhay. Anuman ang nais nilang hangarin, hindi sila susuko kung hindi nila makakamit ang layon nila, at lalong hindi nila babaguhin ang kanilang mga isipan. Sa sandaling ipahintulot ng sitwasyon at tama ang kapaligiran, makakaya nilang gumawa ng kasamaan at lumaban sa Diyos, at maaari nilang subukang magtatag ng isang nagsasariling kaharian. Ito ay dahil ang mga puso nila ay walang takot sa Diyos o nagpapasakop sa Kanya, at sa huli, malilipol lang sila ng Diyos dahil sa paggawa ng sari-saring kasamaan at pagtataksil sa Kanya. Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay mga taong tutol sa katotohanan, at ang lahat ng tutol sa katotohanan ay mga nagmamahal sa kasamaan. Sa kanilang mga espiritu at dugo at buto-buto, ang tanging iginagalang nila ay katanyagan, pakinabang, katayuan, at impluwensiya; masaya silang mamuhay sa mga satanikong disposisyon, at makipaglaban sa Langit, lupa, at tao upang makamit ang kanilang mga layon. Iniisip nila na kagalak-galak ang gayong buhay; ninanais nilang mabuhay bilang pambihirang tao at mamatay na bayani. Malinaw na tinatahak nila ang satanikong daan ng pagkawasak. Habang mas nauunawaan ito ng mga naghahangad sa katotohanan, lalo nilang minamahal ang Diyos at nadarama kung gaano kahalaga ang katotohanan. Handa silang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at gaano man karaming paghihirap ang tiisin nila, determinado silang hangarin ang katotohanan at tamuhin ito. Ibig sabihin nito ay nagsimula na sila sa landas ng kaligtasan at pagiging perpekto, at na kaya na nilang maging kaayon ang Diyos. Higit sa lahat, nakapagpapasakop sila sa Diyos, nakabalik na sila sa orihinal nilang katayuan bilang mga nilikha, at mayroon silang takot-sa-Diyos na puso. Karapat-dapat nilang matamo ang pangunguna, patnubay, at mga pagpapala ng Diyos, at hindi na sila itinataboy ng Diyos. Napakaganda naman! Hindi maiwawaksi ng mga hindi naghahangad sa katotohanan ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya lalo pang napalalayo ang kanilang mga puso sa Diyos, at tutol sila sa katotohanan at tinatanggihan ito. Bilang resulta, lalo pa silang nagiging mapanlaban sa Diyos at tumatahak sa daan na salungat sa Kanya. Katulad lang sila ni Pablo, lantarang nanghihingi sa Diyos ng gantimpala nila. Kung hindi nila ito matatanggap, susubukan nilang makipagtalo sa Diyos at lumaban sa Kanya, at sa huli, magiging mga anticristo sila, ganap na maihahayag ang kahindik-hindik na mukha ni Satanas, pagkatapos niyon ay isusumpa at wawasakin sila ng Diyos. Ang mga tumatahak sa daan ng paghahangad sa katotohanan, sa kabilang banda, ay kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito. Kaya nilang iwaksi ang tiwaling disposisyon ni Satanas, handa silang talikdan ang lahat para gampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin at suklian ang pagmamahal ng Diyos, at kaya nilang maging mga taong nagpapasakop at sumasamba sa Diyos. Ang isang taong handang magpasakop sa Diyos, at lubusang ginagawa iyon, ay ganap nang nakabalik sa orihinal na katayuan ng isang nilikha, at kaya niyang magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay. Ibig sabihin nito ay nagtataglay siya ng mahalagang wangis ng tao. Ano ba ang tinutukoy ng tunay na wangis ng tao? Ito ay kapag nagpapasakop at may takot ang isang tao sa Lumikha, tulad ng ginawa nina Job at Pedro. Gayon ang mga tunay na pinagpapala ng Diyos.

Ganoon lang kasimple ang mga pangunahing hakbang sa paghahangad sa katotohanan na pinagbahaginan natin ngayon. Ulitin ninyo sa Akin ang mga hakbang. (Una, pagnilayan ang inyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos; ikalawa, kilalanin at tanggapin ang mga katunayang inihahayag ng mga salita ng Diyos; ikatlo, kilalanin ang sarili ninyong tiwaling disposisyon at diwa, at simulang kapootan ang inyong disposisyon at si Satanas; ikaapat, isagawa ang pagsisisi, at iwaksi ang lahat ng inyong masamang gawa; ikalima, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at isagawa ang katotohanan.) Ang mga iyon ang limang hakbang. Ang pagsasagawa sa bawat isa sa mga hakbang na iyon ay napakahirap para sa mga taong nabubuhay sa gitna ng mga tiwaling disposisyon, maraming hadlang at paghihirap na sangkot sa bawat isa, at ang lahat ay nangangailangan ng paggugol ng masusing pagsisikap para maisagawa at matamo, at siyempre, hindi maiiwasan ng isang tao na dumanas ng ilang pagkabigo at hadlang sa gitna ng daan—ngunit ito ang sasabihin Ko sa inyo: Huwag kayong panghihinaan ng loob. Kahit na maaaring kondenahin ka ng iba, sabihing, “Tapos ka na,” “Wala kang kuwenta,” “Ganito ka lang talaga—hindi mo ito mababago”—gaano man hindi kaaya-aya ang kanilang mga salita, kailangan mong maging malinaw sa iyong pagkilatis. Huwag kang panghihinaan ng loob, at huwag kang susuko, dahil tanging ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tanging ang pagpasok at pagsasagawa sa mga hakbang na ito, ang tunay na magbibigay-kakayahan sa iyo na makaiwas sa iyong kapahamakan. Pipiliin ng matatalinong tao na isantabi ang lahat ng mga paghihirap nila; hindi nila iiwasan ang mga pagkabigo at hadlang, at magpupursigi sila, gaano man ito kahirap. Kahit na manatili ka sa hakbang ng pagsusuri at pagkilala sa iyong sarili sa loob ng tatlo o limang taon, o kung pagkatapos ng walo o sampung taon ay alam mo lang kung aling mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka, ngunit hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan at hindi mo naiwawaksi ang iyong tiwaling disposisyon, iyon pa rin ang sasabihin Ko sa iyo: Huwag kang panghihinaan ng loob. Kahit na hindi mo pa kayang magtamo ng tunay na pagbabago, nakapasok ka na sa unang tatlong hakbang, kaya bakit ka pa mag-aalala na hindi ka makapasok sa natitirang dalawa? Huwag kang mag-alala; mas magsikap ka, mas magpursigi ka, at makararating ka rin doon. Maaari ding may ilan na nakarating sa ikaapat na hakbang ng pagsisisi, ngunit kinulang sa paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo at hindi makapasok sa hakbang na ito. Ano ang dapat gawin kung gayon? Kailangan ay hindi ka rin panghinaan ng loob. Basta’t mayroon kang determinasyong gawin iyon, dapat kang magpursigi sa iyong paghahangad ng paghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay, at mas magdasal sa Diyos—ang paggawa niyon ay madalas na kapaki-pakinabang. Maghangad ka sa abot ng iyong makakaya, batay sa iyong kakayahan at iyong sitwasyon, at magsikap ka upang matamo kung ano ang kaya mo. Basta’t ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo, malinis ang konsiyensiya mo, at tiyak na makapagtatamo ka ng mas malalaking pakinabang. Kahit ang pag-unawa sa isa pang katotohanan ay mabuti—magiging mas masaya at kagalak-galak nang bahagya ang iyong buhay dahil doon. Sa pagbubuod, ang paghahangad sa katotohanan ay hindi walang kabuluhan; may partikular na landas ng pagsasagawa sa bawat isa sa mga hakbang nito, at nangangailangan ito na magdanas ng sakit ang mga tao at magbayad ng partikular na halaga. Ang katotohanan ay hindi isang larangan ng akademikong pag-aaral, o isang teorya, o isang salawikain, o isang argumento; hindi ito walang kabuluhan. Bawat katotohanan ay nangangailangan na danasin at isagawa ito ng mga tao sa loob ng ilang taon bago nila ito maunawaan at malaman. Ngunit anumang halaga ang iyong ibayad o anumang pagsisikap ang iyong gawin, basta’t tama ang iyong pagharap, pamamaraan, landas, at direksiyon, hindi magtatagal, darating ang araw na aani ka ng malaking gantimpala, magtatamo ng katotohanan, at makikilala mo ang Diyos at makapagpapasakop ka sa Kanya—at doon, magiging kontentong-kontento ka.

Enero 8, 2022

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito