Ano ang Posisyon Mo sa Labintatlong Sulat?

Ang Bagong Tipan ng Bibliya ay naglalaman ng labintatlong sulat ni Pablo. Sa mga panahong ginawa niya ang kanyang gawain, isinulat ni Pablo ang labintatlong sulat na ito sa mga iglesia na nananampalataya kay Jesucristo. Ibig sabihin, si Pablo ay ibinangon at nagsulat ng mga sulat na ito pagkatapos umakyat ni Jesus sa langit. Ang kanyang mga sulat ay mga patotoo tungkol sa muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang kamatayan, at ipinapangaral din ng mga ito ang daan ng pagsisisi at pagpapasan ng krus. Mangyari pa, ang layon ng daang ito at ng mga patotoong ito ay para turuan ang mga kapatid sa iba’t ibang lugar sa palibot ng Judea sa panahong iyon, dahil noong panahong iyon, si Pablo ay tagapaglingkod ng Panginoong Jesus, at ibinangon siya para patotohanan ang Panginoong Jesus. Sa bawat panahon ng gawain ng Banal na Espiritu, iba-ibang tao ang ibinabangon upang gampanan ang Kanyang iba’t ibang gawain, ibig sabihin, gawin ang gawain ng mga apostol upang ipagpatuloy ang gawain na tinatapos ng Diyos Mismo. Kung direkta itong ginawa ng Banal na Espiritu, at walang mga taong ibinangon, magiging mahirap isakatuparan ang gawain. Dahil diyan, si Pablo ay naging isang taong hinampas habang nasa daan patungong Damasco, at pagkatapos ay ibinangon upang magpatotoo sa Panginoong Jesus. Siya ay isang apostol bukod pa sa labindalawang disipulo ni Jesus. Dagdag pa sa pangangaral sa ebanghelyo, binalikat din niya ang gawain ng pagpapastol sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar, kasama rito ang pangangalaga sa mga kapatid ng mga iglesia—sa madaling salita, pag-aakay ng mga kapatid sa Panginoon. Ang patotoo ni Pablo ay para ipabatid ang katunayan ng muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit ng Panginoong Jesus, gayundin ang ituro sa mga tao na magsisi, aminin ang kanilang mga kasalanan, at lakaran ang daan ng krus. Isa siya sa mga saksi ni Jesucristo noong panahong iyon.

Ang labintatlong sulat ni Pablo ay pinili para magamit sa Bibliya. Sinulat niya ang lahat ng labintatlong ito para tugunan ang iba-ibang kalagayan ng mga tao sa iba’t ibang lugar. Siya ay naantig ng Banal na Espiritu na isulat ang mga ito, at tinuruan ang mga kapatid sa lahat ng dako bilang isang apostol (bilang isang tagapaglingkod ng Panginoong Jesus). Samakatwid, ang mga sulat ni Pablo ay hindi nagmula sa mga propesiya o direktang nagmula sa mga pangitain; sa halip, isinulat niya ang mga ito dahil sa gawaing inako niya. Hindi kakaiba ang mga sulat na ito, ni kasinghirap na arukin tulad ng mga propesiya. Ang mga salitang ito ay mga sulat lamang, at ang mga ito ay hindi mga propesiya o mga misteryo, ang mga ito ay mga ordinaryong salita lamang na nagtuturo. Bagama’t marami sa mga salitang narito ay mahirap para sa mga tao na tarukin o unawain, ang mga ito ay nagmula lamang sa sariling pagkaunawa ni Pablo at mula sa pagliliwanag ng Banal na Espiritu. Si Pablo ay isang apostol lamang; siya ay isang tagapaglingkod na ginamit ng Panginoong Jesus, hindi siya isang propeta. Habang naglalakbay sa iba’t ibang lupain, gumawa siya ng mga sulat sa mga kapatid ng mga iglesia, o, habang siya ay maysakit, sumulat siya sa mga iglesia na partikular na nasa isipan niya ngunit hindi niya mapuntahan. Sa gayon, ang kanyang mga sulat ay itinago ng mga tao at kalaunan ay tinipon, binuo, at iniayos kasunod ng Apat na Ebanghelyo sa Bibliya ng mga sumunod na henerasyon. Mangyari pa, pinili nila at pinagsama-sama ang lahat ng pinakamagagandang sulat na nagawa niya. Kapaki-pakinabang ang mga sulat na ito sa mga buhay ng mga kapatid sa mga iglesia, at kilalang-kilala sa kanyang panahon. Nang sinulat ni Pablo ang mga ito, ang layunin niya ay hindi magsulat ng isang akdang espirituwal na magbibigay-kakayahan sa kanyang mga kapatid na makasumpong ng daan ng pagsasagawa o ng isang espirituwal na talambuhay para ipahayag ang kanyang sariling mga karanasan; hindi niya nilayong magsulat ng isang aklat para maging manunulat. Gumagawa lamang siya ng mga sulat para sa kanyang mga kapatid sa iglesia ng Panginoong Jesucristo. Nagturo si Pablo sa kanyang mga kapatid bilang isang tagapaglingkod, at sinabi niya sa kanila ang tungkol sa kanyang pasanin, ang tungkol sa mga layunin ng Panginoong Jesus, at kung anong mga atas ang naipagkatiwala Niya sa mga tao para sa hinaharap. Ito ang gawaing ginampanan ni Pablo. Ang kanyang mga salita ay lubos na nakakapagpatibay para sa karanasan ng lahat ng kapatid sa hinaharap, at ang mga katotohanang ibinahagi niya sa maraming sulat na ito ay kung ano ang dapat isagawa ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya, iniayos ng mga sumunod na henerasyon ang mga sulat na ito sa Bagong Tipan. Anuman ang kinalabasan ni Pablo, siya ay isang taong ginamit sa kanyang panahon, at umalalay sa kanyang mga kapatid sa mga iglesia. Ang kinalabasan niya ay natukoy sa pamamagitan ng kanyang diwa, gayundin sa kanyang pagiging nahampas noong una. Nagawa niyang bigkasin ang mga salitang iyon noon dahil mayroon siyang gawain ng Banal na Espiritu, at dahil sa gawaing ito kaya tinaglay ni Pablo ang isang pasanin para sa mga iglesia. Dahil diyan, nagawa niyang tustusan ang kanyang mga kapatid. Gayumpaman, dahil sa ilang mga natatanging kalagayan, hindi nakapunta si Pablo sa mga iglesia para gumawa nang personal, kaya sumulat na lamang siya sa kanila para payuhan ang kanyang mga kapatid sa Panginoon. Noong una, inusig ni Pablo ang mga disipulo ng Panginoong Jesus, ngunit pagkatapos umakyat ni Jesus sa langit—ibig sabihin, pagkatapos suminag ng “liwanag” kay Pablo—tumigil siya sa pang-uusig ng mga disipulo ng Panginoong Jesus, at hindi na inusig pa ang mga banal na iyon na nangaral ng ebanghelyo alang-alang sa daan ng Panginoon. Pagkatapos makita ni Pablo na magpakita si Jesus sa kanya bilang isang maningning na liwanag, tinanggap niya ang atas ng Panginoon. Isa siyang taong ginamit ng Banal na Espiritu para ipangaral ang ebanghelyo.

Ang gawain ni Pablo noong panahong iyon ay alalayan at tustusan lamang ang kanyang mga kapatid. Hindi siya tulad ng ilang tao, na naghangad na bumuo ng propesyon o makapagsulat ng mga akdang panliteratura, bumuo ng iba pang mga landas, o maghanap ng mga daan bukod sa Bibliya na magagamit niya para akayin ang mga tao sa mga iglesia nang sa gayon ay magtamo silang lahat ng bagong pagpasok. Si Pablo ay isang tao na ginamit; sa paggawa ng mga bagay-bagay na ginawa niya, tinutupad lamang niya ang kanyang responsabilidad. Kung hindi niya nataglay ang isang pasanin para sa mga iglesia, masasabi sanang nagpabaya siya sa kanyang responsabilidad. Kung may kaguluhang nangyari o nagkaroon ng pagkakanulo sa iglesia na humantong sa isang di-normal na kalagayan ng mga tao roon, masasabing hindi niya nagampanan nang maayos ang kanyang gawain. Kung pinapasan ng isang manggagawa ang isang pasanin tungo sa iglesia at sa gayon ay gumagawa sa abot ng kanyang makakaya, nagpapatunay ito na ang taong ito ay isang manggagawa na pasok sa pamantayan—isang pasok sa pamantayan na tao na ginagamit. Kung ang isang tao ay walang nadaramang pasanin para sa iglesia, at walang nakakamit na mga bunga sa kanyang paggawa, at karamihan sa mga taong inaakay niya ay mahina o nadarapa pa ang mga ito, kung gayon hindi nagagawa ng manggagawang iyon ang kanyang tungkulin. Gayundin naman, hindi eksepsiyon si Pablo dito. Sa gayon, kailangan niyang pangalagaan ang mga iglesia at magsulat nang madalas sa kanyang mga kapatid. Sa ganitong paraan niya natustusan ang mga iglesia at napangalagaan ang kanyang mga kapatid; sa ganitong paraan lamang makatatanggap ng tustos at pagpapastol ang mga iglesia mula sa kanya. Napakalalim ng mga salitang ginamit niya sa mga sulat, ngunit ang mga ito ay isinulat para sa kanyang mga kapatid sa ilalim ng kondisyon na natamo na niya ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at inilakip niya ang kanyang pansariling mga karanasan at ang pasaning nadarama niya sa kanyang mga sinulat. Si Pablo ay isang tao lamang na ginamit ng Banal na Espiritu, at ang mga nilalaman ng kanyang mga sulat ay kinapapalooban lahat ng kanyang mga personal na karanasan. Ang gawaing ginawa niya ay kumakatawan lamang sa gawain ng isang apostol, hindi gawaing direktang ginampanan ng Banal na Espiritu, at naiiba rin ito sa gawain ni Cristo. Ginagawa lamang ni Pablo ang kanyang tungkulin, na dahilan kung bakit itinustos niya sa kanyang mga kapatid sa Panginoon ang kanyang pasanin gayundin ang kanyang mga personal na karanasan at mga kabatiran. Isinasakatuparan lamang ni Pablo ang gawaing ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos sa pamamagitan ng pagtutustos ng kanyang sariling mga kabatiran at pagkaunawa; ito ay tiyak na hindi isang halimbawa ng gawaing direktang ginawa ng Diyos Mismo. Sa gayon, ang gawain ni Pablo ay nahaluan ng karanasan ng tao at mga pantaong pananaw at pagkaunawa tungkol sa gawain ng iglesia. Gayumpaman, ang mga pantaong pananaw at pagkaunawang ito ay hindi masasabing gawain ng masasamang espiritu o gawain ng laman at dugo; masasabi lamang na ang mga ito ay kaalaman at mga karanasan ng isang tao sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang ibig Kong sabihin dito, ang mga sulat ni Pablo ay hindi mga aklat mula sa langit. Ang mga ito ay hindi banal, at hindi kahit kailan binigkas o ipinahayag ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay pagpapahayag lamang ng pasanin ni Pablo para sa iglesia. Ang layunin Ko sa pagsasabi ng lahat ng ito ay upang ipaunawa sa inyo ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos at ng gawain ng tao: Ang gawain ng Diyos ay kumakatawan sa Diyos Mismo, samantalang ang gawain ng tao ay kumakatawan sa tungkulin at mga karanasan ng tao. Hindi dapat ituring ng isang tao ang normal na gawain ng Diyos bilang mga intensiyon ng tao at ang Kanyang sobrenatural na gawain bilang mga layunin ng Diyos, lalong hindi niya dapat ituring ang matayog na pangangaral ng tao bilang mga pagbigkas ng Diyos o bilang mga aklat mula sa langit. Lahat ng gayong mga pananaw ay hindi etikal. Maraming tao, sa pagkarinig na hinihimay Ko ang labing-tatlong sulat ni Pablo, ay naniniwalang hindi dapat basahin ang mga sulat ni Pablo, at na si Pablo ay isang lubhang makasalanang tao. Marami pang mga tao na nag-iisip na masakit Akong magsalita, na ang pagtatasa Ko sa mga sulat ni Pablo ay hindi tumpak, at na hindi dapat ituring ang mga sulat na iyon bilang mga pagpapahayag ng mga karanasan at pasanin ng tao. Naniniwala sila na dapat ituring ang mga ito bilang mga salita ng Diyos, na ang mga ito ay kasinghalaga ng Aklat ng Pahayag ni Juan, at na ang mga ito ay hindi maaaring paikliin o dagdagan, lalong hindi maaaring basta na lamang ipaliwanag ang mga ito. Hindi ba’t ang lahat ng ito ang mga maling paggigiit ng mga tao? Hindi ba’t ganap na dahil iyon sa katunayang walang katwiran ang mga tao? Talagang nakatulong nang malaki ang mga sulat ni Pablo sa mga tao, at mayroon na ang mga itong kasaysayan na 2,000 taon na. Gayumpaman, hanggang sa araw na ito, marami pa ring tao ang hindi nakakaarok sa sinabi niya noon. Itinuturing ng mga tao na pinakamahuhusay na obra maestra ang mga sulat ni Pablo sa buong Kristiyanismo, at na walang sinuman ang makapagpapaliwanag nito, at walang sinumang lubos na makakaunawa nito. Sa katunayan, ang mga sulat na ito ay gaya lamang ng talambuhay ng isang espirituwal na tao, at hindi maikukumpara sa mga salita ni Jesus o sa dakilang mga pangitain na nakita ni Juan. Kung ikukumpara, ang nakita ni Juan ay dakilang mga pangitain mula sa langit—mga propesiya tungkol sa sariling gawain ng Diyos—na hindi kayang makamit ng tao, samantalang ang mga sulat ni Pablo ay mga salaysay lamang ng nakita at naranasan ng isang tao. Ang mga ito ay kung ano ang kaya ng tao, at ang mga ito ay hindi mga propesiya o mga pangitain; mga sulat lamang ang mga ito na ipinadala sa iba’t ibang lugar. Para sa mga tao ng panahong iyon, gayumpaman, si Pablo ay isang manggagawa, at ang mga salita niya kung gayon ay mahalaga, dahil siya ay isang taong tumanggap ng ipinagkatiwala sa kanya. Samakatwid, nakatulong ang kanyang mga sulat sa lahat ng naghangad kay Cristo. Bagama’t hindi si Jesus mismo ang nagwika ng mga salitang iyon, sa kabila niyon, ang mga iyon ay esensyal sa kanilang panahon. Dahil diyan, iniayos ng mga taong sumunod pagkatapos ng panahon ni Pablo ang kanyang mga sulat sa Bibliya, kaya naipapasa ang mga ito hanggang sa araw na ito. Nauunawaan ba ninyo ang ibig Kong sabihin? Binibigyan Ko lamang kayo ng tumpak na paliwanag tungkol sa mga sulat na ito at hinihimay ang mga ito, hindi itinatanggi ang pakinabang ng mga ito sa mga tao at ang kahalagahan ng mga ito bilang mga sanggunian. Kung, matapos basahin ang Aking mga salita, hindi lamang ninyo itinatanggi ang mga sulat ni Pablo, kundi itinuturing ding maling pananampalataya o walang halaga ang mga ito, masasabi lamang na napakahina ng inyong abilidad na umarok, pati na ang inyong mga kabatiran at inyong paghusga sa mga bagay-bagay; tiyak na hindi masasabi na ang mga salita Ko ay labis-labis na may pinapanigan. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Ang mahahalagang bagay na dapat ninyong maarok ay ang aktuwal na kalagayan ng gawain ni Pablo noong panahong iyon at ang konteksto habang ginagawa niya ang mga sulat. Kung tama ang pananaw ninyo sa mga kalagayang ito, magiging tama rin ang pananaw ninyo tungkol sa mga sulat ni Pablo. Kasabay nito, kapag naarok mo na ang diwa ng mga sulat na iyon, magiging tama ang pagtatasa mo sa Bibliya, at pagkatapos mauunawaan mo kung bakit sinamba nang husto ng mga sumunod na henerasyon ang mga sulat ni Pablo sa loob ng maraming taon, pati na rin ang dahilan kung bakit itinuturing pa nga siyang Diyos ng maraming tao. Hindi ba’t iyan din ang maiisip ninyo, kung hindi ninyo naunawaan?

Ang isa na hindi ang Diyos Mismo ay hindi kayang katawanin ang Diyos Mismo. Ang gawain ni Pablo ay masasabi lamang na isang bahagi ng kabatiran ng tao at isang bahagi ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu. Isinulat ni Pablo ang mga salitang ito gamit ang kabatiran ng tao, na may pagliliwanag mula sa Banal na Espiritu. Hindi ito isang pambihirang bagay. Kaya nga hindi maiiwasan na nahaluan ang kanyang mga salita ng ilang pantaong karanasan, at ginamit niya kalaunan ang kanyang mga personal na karanasan para mapaglaanan at masuportahan ang kanyang mga kapatid noong panahong iyon. Ang mga sulat niyang ito ay hindi naikakategorya bilang pag-aaral ng buhay, ni naikakategorya bilang mga talambuhay o mensahe, ang mga ito ay lalong hindi ang mga katotohanan na isinasagawa ng iglesia o mga atas administratibo ng iglesia. Bilang taong may pasanin—isang taong itinalaga ng Banal na Espiritu upang gumawa—ito ay isang bagay na kailangan niyang gawin. Kung nagbabangon ang Banal na Espiritu ng mga tao at binibigyan sila ng pasanin, ngunit bigo silang pasanin ang gawain ng iglesia, at hindi napapamahalaan nang maayos ang mga gawain nito, o nalulutas nang maigi ang lahat ng mga problema nito, pinatutunayan lang nito na hindi tinutupad nang maayos ng mga taong iyon ang kanilang mga tungkulin. Samakatwid hindi masyadong nakapagtataka na makagawa ang isang apostol ng mga sulat sa buong panahon ng kanyang paggawa. Bahagi ito ng kanyang gawain; obligasyon niyang gawin ito. Ang layunin niya sa paggawa ng mga sulat ay hindi ang sumulat ng isang pag-aaral ng buhay o isang espirituwal na talambuhay, at sigurado rin na hindi ito para magbukas ng iba pang daan para sa mga banal. Sa halip, ginawa niya ito para tuparin ang sarili niyang papel at maging tapat na tagapaglingkod sa Diyos, upang makapagbigay-sulit siya sa Diyos sa pamamagitan ng pagtapos sa mga gampanin na naipagkatiwala Niya sa kanya. Kailangang maging responsable siya para sa kanyang sarili at para sa kanyang mga kapatid sa kanyang gawain, at kailangan niyang gawin nang mabuti ang kanyang gawain at isapuso ang mga usapin ng iglesia: Lahat ng ito ay bahagi ng kanyang gawain.

Kung nakatamo kayo ng pagkaunawa sa mga sulat ni Pablo, magkakaroon din kayo ng tamang ideya at pagtatasa hinggil sa mga sulat nina Pedro at Juan. Hindi na ninyo muling titingnan ang mga sulat na ito bilang mga aklat mula sa langit o bilang banal at hindi malalabag, at lalo nang hindi ituturing si Pablo bilang Diyos. Kung tutuusin, ang gawain ng Diyos ay iba sa gawain ng tao, kaya paano magiging posible na ang Kanyang mga pagpapahayag ay katulad ng mga pagpapahayag ng tao? Ang Diyos ay may sariling partikular na disposisyon, samantalang ang tao ay may mga tungkuling dapat niyang gampanan. Ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos sa Kanyang gawain, samantalang ang tungkulin ng tao ay isinasakatawan sa mga karanasan ng tao at ipinapamalas sa mga paghahangad ng tao. Kung gayon, nagiging malinaw ito sa pamamagitan ng gawaing ginagawa kung ang isang bagay ay pagpapahayag ng Diyos o pagpapahayag ng tao. Hindi kinakailangang maipaliwanag ito ng Diyos Mismo, ni hinihingi nito na magsikap ang tao na magpatotoo, lalong hindi nito kinakailangan ang Diyos Mismo para supilin ang sinumang tao. Dumarating ang lahat ng ito bilang isang natural na pagbubunyag; hindi ito pinipilit o isang bagay na maaaring pakialaman ng tao. Nalalaman ang tungkulin ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga karanasan, at hindi ito nangangailangan na gumawa siya ng anumang ekstrang gawaing batay sa karanasan. Naibubunyag ang buong diwa ng tao habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, samantala, naipapahayag ng Diyos ang Kanyang likas na disposisyon habang ginagawa ang Kanyang gawain. Kung ito ay gawain ng tao, hindi ito matatakpan. Kung ito ay gawain ng Diyos, mas imposibleng maitago ng sinuman ang disposisyon ng Diyos, at lalo pang hindi makokontrol ng tao. Walang tao na matatawag na Diyos, lalong hindi maituturing ang kanyang gawain at mga salita bilang banal o maituturing na hindi nababago. Maaaring masabi na tao ang Diyos dahil binihisan Niya ang Sarili Niya ng laman, ngunit hindi maituturing ang gawain Niya bilang gawain ng tao o tungkulin ng tao. Higit pa rito, ang mga pagbigkas ng Diyos at ang mga sulat ni Pablo ay hindi maipagpapantay, ni maituturing na magkapantay ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang mga salita ng pagtuturo ng tao. Kung gayon, may mga prinsipyo na nagsasabi ng kaibahan ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Makikita ang mga pagkakaiba nito ayon sa diwa ng mga ito, hindi sa saklaw ng gawain o pansamantalang bisa nito. Sa paksang ito, karamihan sa mga tao ay nakagagawa ng mga pagkakamali sa prinsipyo. Ito ay sa kadahilanang tumitingin ang tao sa panlabas, na kaya niyang maabot, samantalang tumitingin ang Diyos sa diwa, na hindi namamasdan ng pisikal na mga mata ng sangkatauhan. Kung itinuturing mo ang mga salita at gawain ng Diyos bilang tungkulin ng karaniwang tao, at tinitingnan ang malawak na gawain ng tao bilang gawain ng Diyos na nakabihis ng katawang-tao sa halip na tungkuling ginagampanan ng tao, hindi ba’t nagkakamali ka sa prinsipyo? Ang mga sulat at mga talambuhay ng tao ay madaling naisusulat, ngunit tanging sa saligan lamang ng gawain ng Banal na Espiritu. Gayumpaman, ang mga pagbigkas at gawain ng Diyos ay hindi madaling naisasakatuparan ng tao o nakakamit ng karunungan at pag-iisip ng tao, lalong hindi naipapaliwanag ang mga ito nang lubos ng mga tao matapos itong siyasatin. Kung ang mga usapin na ito ng prinsipyo ay hindi nagbubunsod ng anumang pagtugon sa inyo, pinatutunayan nito na ang inyong pananalig ay hindi totoong-totoo o metikuloso. Masasabi lamang na ang inyong pananalig ay puno ng kalabuan, at kapwa magulo at walang prinsipyo. Nang hindi man lang nauunawaan ang mga pinakapangunahing esensyal na usapin tungkol sa Diyos at tao, hindi ba’t ang ganitong uri ng pananalig ay pinakawalang pagkilatis? Paanong magiging posible na si Pablo lamang ang nag-iisang tao na ginamit sa buong kasaysayan? Paanong magiging posible na siya lamang ang nag-iisang gumawa para sa iglesia? Paanong magiging siya lamang ang nag-iisa na nakapagsulat sa mga iglesia para suportahan sila? Gaano man kalawak o kamaimpluwensiya ang gawain ng mga taong ito, o ang mga resulta ng kanilang paggawa, hindi ba’t magkakatulad lahat ang mga prinsipyo at diwa ng gayong gawain? Hindi ba’t ang gawain ng mga taong ito ay ganap na naiiba sa gawain ng Diyos? Bagama’t may malilinaw na pagkakaiba sa pagitan ng bawat yugto ng gawain ng Diyos, at bagama’t marami sa mga paraan ng Kanyang paggawa ang hindi lubos na magkapareho, hindi ba’t lahat ng ito ay mayroon lamang iisang diwa at pinagmulan? Kung gayon, kung hindi pa malinaw ang isang tao tungkol sa mga bagay na ito ngayon, kung gayon siya ay masyadong nagkukulang sa katwiran. Kung, pagkatapos basahin ang mga salitang ito, sinasabi pa rin ng isang tao na banal at hindi nalalabag ang mga sulat ni Pablo at naiiba ang mga ito sa mga talambuhay ng sinumang espirituwal na tao, kung gayon ang katwiran ng taong ito ay lubos na hindi normal, at walang alinlangang ang gayong tao ay eksperto sa doktrina at siya ay lubos na walang katwiran. Kahit pa sinasamba mo si Pablo, hindi mo magagamit ang malapit na damdamin mo sa kanya para baluktutin ang realidad ng mga katunayan o pabulaanan ang pag-iral ng katotohanan. Higit pa rito, ang mga sinabi Ko ay hindi kahit kailan tumupok sa lahat ng gawain at mga sulat ni Pablo o nagkakaila nang lubos sa kahalagahan ng mga ito bilang mga sanggunian. Sa ano’t anuman, ang layunin Ko sa pagsasabi ng mga salitang ito ay upang magkaroon kayo ng tamang pagkaunawa at makatwirang pagtatasa sa lahat ng bagay at mga tao: Ito lamang ang normal na katwiran; ito lamang ang dapat isangkap sa kanilang mga sarili ng mga makatarungang tao na nagtataglay ng katotohanan.

Sinundan: Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Sumunod: Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Habang patuloy na dumarami ang mga sakuna, nagsisimulang matanto ng parami nang paraming tao na ang mga propesiya sa Bibliya ay hindi mga gawa-gawang kuwento lamang, kundi isang realidad na nangyayari sa mismong harapan natin. Walang nakakaalam kung ano ang mauuna: ang bukas ba, o isang hindi inaasahang sakuna. Kung gusto mong salubungin ang pagbabalik ng Panginoon kasama ng pamilya mo at maging ligtas sa ilalim ng proteksyon ng Diyos, i-click ang WhatsApp para sumali sa aming study group. Huwag mo na itong ipagpabukas.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito