Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal

Pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa pagiging praktikal at lubos na pagkaunawa sa gawain ng Diyos—parehong nakikita ang mga ito sa Kanyang mga salita, at magkakamit ka lamang ng kaliwanagan sa pamamagitan ng mga pahayag na ito. Kaya dapat mong lalong sangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos. Ibahagi mo ang iyong pagkaunawa tungkol sa mga salita ng Diyos kapag nagbabahaginan kayo, at sa ganitong paraan, maliliwanagan mo ang iba at mabibigyan mo sila ng paraan para magsagawa—ito ay isang praktikal na landas. Bago magsaayos ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, bawat isa sa inyo ay kailangan munang sangkapan ang inyong sarili ng Kanyang mga salita. Ito ay isang bagay na dapat gawin ng lahat; isa itong agarang prayoridad. Una, umabot sa punto na marunong ka nang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Para sa anumang bagay na hindi mo magawa, hanapin sa Kanyang mga salita ang isang landas ng pagsasagawa; para sa anumang isyung hindi mo nauunawaan o anumang suliraning maaaring mayroon ka, tumingin ka sa Kanyang mga salita. Gawing panustos mo ang mga salita ng Diyos, at tulutang alalayan ka ng mga iyon na malutas ang iyong mga praktikal na paghihirap at problema; at tulutang maging tulong mo sa buhay ang Kanyang mga salita. Kakailanganin ng mga bagay na ito ang iyong pagsisikap. Sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, kailangan mong magkamit ng mga resulta, kailangan mong mapatahimik ang iyong puso sa Kanyang harapan, at kailangan mong magsagawa alinsunod sa Kanyang mga pahayag tuwing may kinakaharap kang anumang mga isyu. Kapag wala ka pang nakakaharap na anumang mga isyu, dapat mong itutok ang iyong sarili sa pagkain at pag-inom lamang ng Kanyang salita. Kung minsan ay maaari kang manalangin at pagnilayan mo ang pagmamahal ng Diyos, sabihin sa pakikibahagi ang iyong pagkaunawa sa Kanyang mga salita, at ipabatid ang kaliwanagan at pagpapalinaw na nararanasan mo sa iyong kalooban at ang iyong naging mga reaksyon habang binabasa mo ang mga pahayag na ito. Bukod pa riyan, mabibigyan mo ng paraan ang mga tao para magsagawa. Ito lamang ang praktikal. Ang layunin sa paggawa nito ay para maging praktikal na panustos mo ang mga salita ng Diyos.

Sa loob ng isang araw, ilang oras ang ginugugol mo kung saan tunay kang nasa harap ng Diyos? Ilang oras ng isang araw ang talagang ibinibigay mo sa Diyos? Ilang oras ang ibinibigay mo sa laman? Ang laging pagtutok ng iyong puso sa Diyos ang unang hakbang sa pagtahak sa tamang landas tungo sa Kanyang pagpeperpekto. Kung kaya mong ilaan ang iyong puso, katawan, at lahat ng iyong tunay na pagmamahal sa Diyos, iharap ang mga iyon sa Kanya, maging ganap na masunurin sa Kanya, at maging lubos na mapagbigay sa Kanyang kalooban—hindi para sa laman, hindi para sa pamilya, at hindi para sa iyong sariling personal na mga hangarin, kundi para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na itinuturing ang salita ng Diyos bilang prinsipyo at pundasyon sa lahat—sa paggawa niyon, ang iyong mga layunin at iyong mga pananaw ay malalagay na lahat sa tamang lugar, at magiging isa kang tao sa harap ng Diyos na tumatanggap ng Kanyang papuri. Ang mga taong gusto ng Diyos ay yaong mga tiyak na Kanya; sila yaong sa Kanya lamang magiging matapat. Ang mga kinasusuklaman ng Diyos ay yaong mga malamig sa Kanya at sumusuway sa Kanya. Kinasusuklaman Niya yaong mga naniniwala sa Kanya at laging gustong masiyahan sa Kanya habang hindi pa nagagawang lubos na gugulin ang kanilang sarili para sa Kanyang kapakanan. Kinasusuklaman Niya yaong mga nagsasabi na Siya ay mahal nila ngunit sumusuway sa Kanya sa kanilang puso; kinasusuklaman Niya yaong mga gumagamit ng magagaling at mabulaklak na salita upang manlinlang. Yaong mga hindi tunay na nakalaan sa Diyos o hindi pa tunay na nagpapasakop sa Kanya ay mga taksil at masyadong likas na mayabang. Yaong mga hindi tunay na makapagpasakop sa harap ng normal at praktikal na Diyos ay mas mayabang pa, at sila ay talagang ang masunuring mga inapo ng arkanghel. Ang mga taong tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay inilalaan ang buo nilang pagkatao sa Kanya at inilalagay ang kanilang sarili sa harapan Niya; kaya nilang magpasakop sa lahat ng Kanyang mga salita at gawain, at naisasagawa nila ang Kanyang mga salita. Kaya nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at itinuturing ang mga ito na pundasyon ng kanilang pag-iral, at nagagawa nilang taimtim na saliksikin ang nilalaman ng mga salita ng Diyos upang alamin kung aling mga bahagi ang isasagawa. Sila yaong mga tao na tunay na namumuhay sa harap ng Diyos. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ito para sa iyong buhay, at sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita ay matutugunan mo ang mga panloob na pangangailangan at kakulangan upang magbago ang iyong disposisyon sa buhay, mapapalugod nito ang kalooban ng Diyos. Kung kikilos ka alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, at kung hindi mo binibigyan ng kasiyahan ang laman kundi sa halip ay pinalulugod mo ang Kanyang kalooban, dito ay nakapasok ka na sa realidad ng Kanyang mga salita. Ang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos ay nangangahulugang kaya mong gampanan ang iyong tungkulin at tugunan ang mga hinihingi ng gawain ng Diyos. Ang ganitong mga uri lamang ng praktikal na mga kilos ang matatawag na pagpasok sa realidad ng Kanyang mga salita. Kung nagagawa mong pumasok sa realidad na ito, tataglayin mo ang katotohanan. Ito ang simula ng pagpasok sa realidad; kailangan mo munang magdaan sa pagsasanay na ito, at saka ka lamang makakapasok sa mas malalalim na realidad. Pag-isipan kung paano susundin ang mga kautusan at kung paano maging tapat sa harap ng Diyos; huwag mo palaging isipin kung paano ka makakapasok sa kaharian. Kung hindi magbago ang iyong disposisyon, mawawalan ng silbi ang anumang iniisip mo! Para makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, kailangan munang maging para sa Diyos ang lahat ng iyong ideya at saloobin—ito ang pinakamalinaw na pangangailangan.

Sa kasalukuyan, maraming taong nasa gitna ng mga pagsubok at hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, ngunit sinasabi Ko sa iyo: Kung hindi mo ito nauunawaan, mas mabuti pang huwag mo itong husgahan. Marahil ay darating ang araw na lalabas ang buong katotohanan, at saka mo ito mauunawaan. Makakabuti sa iyo ang hindi manghusga, subalit hindi maaaring maghintay ka lamang nang walang kibo. Kailangan mong hangarin na aktibong makapasok; saka ka lamang tunay na makakapasok. Dahil sa kanilang pagkasuwail, laging nakakabuo ang mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa praktikal na Diyos. Dahil dito ay kailangang matutuhan ng lahat ng tao kung paano maging masunurin, sapagkat ang praktikal na Diyos ay isang napakalaking pagsubok para sa sangkatauhan. Kung hindi mo kayang manindigan, tapos na ang lahat; kung wala kang pagkaunawa sa pagiging praktikal ng praktikal na Diyos, hindi ka magagawang perpekto ng Diyos. Ang isang napakahalagang hakbang kung magagawang perpekto ang mga tao o hindi ay ang kanilang pagkaunawa sa pagiging praktikal ng Diyos. Ang pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao na pumarito sa lupa ay isang pagsubok sa bawat tao; kung makakapanindigan ka tungkol dito, magiging isa kang tao na kilala ang Diyos, at magiging isa kang tao na tunay na nagmamahal sa Kanya. Kung hindi ka makapanindigan tungkol dito, at sa Espiritu ka lamang naniniwala at hindi mo kayang maniwala sa pagiging praktikal ng Diyos, gaano man kalaki ang iyong pananampalataya sa Diyos, mawawalan iyan ng silbi. Kung hindi mo kayang maniwala sa Diyos na nakikita, kaya mo bang maniwala sa Espiritu ng Diyos? Hindi ba tinatangka mo lamang na lokohin ang Diyos? Hindi ka masunurin sa harap ng nakikita at nahihipong Diyos, kaya may kakayahan ka bang magpasakop sa harap ng Espiritu? Ang Espiritu ay hindi nakikita at hindi nahihipo, kaya kapag sinabi mong nagpapasakop ka sa Espiritu ng Diyos, hindi ba kalokohan lamang ang sinasabi mo? Ang susi sa pagsunod sa mga kautusan ay ang pagkakaroon ng pagkaunawa sa praktikal na Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng pagkaunawa sa praktikal na Diyos, magagawa mo nang sundin ang mga kautusan. May dalawang bahagi ang pagsunod sa mga ito: Ang isa ay pagkapit sa diwa ng Kanyang Espiritu, at sa harap ng Espiritu, pagtanggap sa pagsusuri ng Espiritu; ang isa pa ay pagkakaroon ng tunay na pagkaunawa sa nagkatawang-taong laman, at tunay na pagpapasakop. Sa harap man ng katawang-tao o sa harap ng Espiritu, kailangang palaging magkimkim ang isang tao ng isang pusong mapagmahal sa Diyos at isang pusong may takot sa Kanya. Ganitong tao lamang ang karapat-dapat na gawing perpekto. Kung mayroon kang pagkaunawa sa pagiging praktikal ng praktikal na Diyos—ibig sabihin, kung nakapanindigan ka na sa pagsubok na ito—walang anumang magiging mahirap para sa iyo.

Sabi ng ilang tao, “Madaling sundin ang mga kautusan; kailangan mo lamang magsalita nang deretsahan at tapat sa harap ng Diyos, at huwag kang magkukumpas; ito ang ibig sabihin ng sundin ang mga kautusan.” Tama ba iyon? Kaya, kung gagawa ka ng ilang bagay habang nakatalikod ang Diyos na laban sa Kanya, maituturing bang pagsunod iyon sa mga kautusan? Kailangan mong maunawaan nang lubusan kung ano ang kailangan sa pagsunod sa mga kautusan. May kaugnayan ito sa kung mayroon o wala kang tunay na pagkaunawa sa pagiging praktikal ng Diyos; kung mayroon kang pagkaunawa sa pagiging praktikal at hindi ka nadarapa at nahuhulog habang nagdaraan sa pagsubok na ito, maituturing kang nagtataglay ng matatag na patotoo. Ang pagbabahagi ng isang matunog na patotoo para sa Diyos una sa lahat ay may kaugnayan sa kung mayroon o wala kang pagkaunawa sa praktikal na Diyos, at kung nagagawa mong magpasakop o hindi sa harap ng taong ito na hindi lamang karaniwan, kundi normal, at magpasakop kahit hanggang kamatayan. Kung ikaw, sa pamamagitan ng pagpapasakop na ito, ay tunay na nagpapatotoo para sa Diyos, ibig sabihin niyan ay naangkin ka ng Diyos. Kung makakapagpasakop ka hanggang kamatayan, at sa Kanyang harapan, wala ka nang mga reklamo, hindi ka nanghuhusga, hindi ka naninirang-puri, wala kang anumang mga kuru-kuro, at wala kang anumang mga lihim na motibo, sa ganitong paraan ay magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pagpapasakop sa harap ng isang karaniwang tao na hinahamak ng tao, at nagagawang magpasakop hanggang kamatayan nang walang anumang mga kuru-kuro—ito ay tunay na patotoo. Ang realidad na kinakailangan ng Diyos na pasukin ng mga tao ay na nagagawa mong sundin ang Kanyang mga salita, isagawa ang mga ito, yumuko sa harap ng praktikal na Diyos at alamin ang sarili mong katiwalian, buksan ang iyong puso sa Kanyang harapan, at, sa bandang huli, maangkin Niya sa pamamagitan ng mga salita Niyang ito. Nagtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos kapag nilulupig ka ng mga pahayag na ito at nahihikayat kang lubos na sumunod sa Kanya; sa pamamagitan nito, hinihiya Niya si Satanas at kinukumpleto ang Kanyang gawain. Kapag wala kang anumang mga kuru-kuro tungkol sa pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, kapag nakapanindigan ka sa pagsubok na ito—mahusay mong naibahagi ang patotoong ito. Kung dumating ang araw na magkaroon ka ng lubos na pagkaunawa sa praktikal na Diyos at kaya mong magpasakop hanggang kamatayan kagaya ni Pedro, maaangkin ka ng Diyos at magagawa ka Niyang perpekto. Aumang ginagawa ng Diyos na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ay isang pagsubok para sa iyo. Kung ang gawain ng Diyos ay nakaayon sa iyong mga kuru-kuro, hindi ka na kailangang magdusa o mapino. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay napaka-praktikal at hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro kaya kailangan mong pakawalan ang mga kuru-kurong iyon. Kaya nga ito ay isang pagsubok para sa iyo. Dahil sa pagiging praktikal ng Diyos kaya lahat ng tao ay nasa gitna ng mga pagsubok; ang Kanyang gawain ay praktikal, hindi higit sa karaniwan. Sa pamamagitan ng lubos na pag-unawa sa Kanyang praktikal na mga salita at Kanyang praktikal na mga pahayag nang walang anumang mga kuru-kuro, at sa tunay na pagmamahal sa Kanya lalo pang lumalago ang Kanyang gawain, maaangkin ka Niya. Ang grupo ng mga tao na maaangkin ng Diyos ay yaong mga nakakikilala sa Diyos; ibig sabihin, yaong mga nakakaalam sa Kanyang pagiging praktikal. Bukod pa riyan, sila yaong mga nagagawang magpasakop sa praktikal na gawain ng Diyos.

Noong panahon na nasa katawang-tao ang Diyos, hindi kasama sa pagpapasakop na hinihiling Niya sa mga tao ang pagpipigil na manghusga o lumaban, na tulad ng iniisip nila; sa halip, hinihiling Niya sa mga tao na gamitin ang Kanyang mga salita bilang kanilang prinsipyong susundin sa buhay at bilang pundasyon ng kanilang pananatiling buhay, na talagang walang pasubaling isagawa nila ang diwa ng Kanyang mga salita, at lubos nilang palugurin ang Kanyang kalooban. Ang isang aspeto ng paghiling sa mga tao na magpasakop sa Diyos na nagkatawang-tao ay tumutukoy sa pagsasagawa ng Kanyang mga salita, samantalang ang isa pang aspeto ay tumutukoy sa kakayahang magpasakop sa Kanyang pagiging normal at praktikal. Ang mga ito ay kailangang kapwa tiyak. Yaong mga makakatamo sa dalawang aspetong ito ay lahat ng yaong nagkikimkim ng tunay na pusong mapagmahalsa Diyos. Silang lahat ay mga taong naangkin na ng Diyos, at mahal nilang lahat ang Diyos tulad ng pagmamahal nila sa kanilang sariling buhay. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay may normal at praktikal na pagkatao sa Kanyang gawain. Sa ganitong paraan, ang Kanyang panlabas na anyo na kapwa normal at praktikal na pagkatao ay nagiging isang napakalaking pagsubok para sa mga tao; ito ang nagiging pinakamalaki nilang paghihirap. Gayunman, hindi maiiwasan ang pagiging normal at praktikal ng Diyos. Sinubukan Niya ang lahat para makahanap ng solusyon ngunit sa huli ay hindi Niya maalis sa Kanyang Sarili ang panlabas na anyo ng Kanyang normal na pagkatao. Ito ay dahil Siya, kunsabagay, ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi ang Diyos ng Espiritu sa langit. Hindi Siya ang Diyos na hindi nakikita ng mga tao, kundi ang Diyos na nasa anyo ng isang miyembro ng paglikha. Sa gayon, ang pag-aalis sa Kanyang Sarili ng anyo ng Kanyang normal na pagkatao ay hindi magiging madali sa anumang paraan. Samakatuwid, anuman ang mangyari, ginagawa pa rin Niya ang gawaing nais Niyang gawin mula sa pananaw ng katawang-tao. Ang gawaing ito ang pagpapahayag ng normal at praktikal na Diyos, kaya paano magiging ayos lang sa mga tao na hindi magpasakop? Ano ba ang magagawa ng mga tao tungkol sa mga kilos ng Diyos? Ginagawa Niya ang anumang nais Niyang gawin; anuman ang nagpapasaya sa Kanya ay iyon ang masusunod. Kung hindi magpapasakop ang mga tao, ano ang iba pang magagandang planong mayroon sila? Hanggang ngayon, pagpapasakop lamang ang nakapagligtas sa mga tao; wala nang may iba pang matatalinong ideya. Kung nais ng Diyos na subukan ang mga tao, ano ang magagawa nila tungkol dito? Gayunman, hindi ang Diyos sa langit ang nakaisip ng lahat ng ito; ang Diyos na nagkatawang-tao ang nakaisip nito. Nais Niyang gawin ito, kaya walang taong makakapagbago nito. Hindi nanghihimasok ang Diyos sa langit sa ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, kaya hindi ba mas malaking dahilan ito kaya dapat magpasakop sa Kanya ang mga tao? Bagama’t Siya ay kapwa praktikal at normal, Siya ang lubos na Diyos na naging tao. Batay sa Kanyang sariling mga ideya, ginagawa Niya ang anumang nais Niya. Ipinasa na ng Diyos sa langit ang lahat ng gawain sa Kanya; kailangan kang magpasakop sa anumang Kanyang ginagawa. Bagama’t mayroon Siyang pagkatao at napakanormal, sadya na Niyang isinaayos ang lahat ng ito, kaya paano Siya napandidilatan ng mga mata ng mga tao nang may pagtutol? Nais Niyang maging normal, kaya Siya normal. Nais Niyang mamuhay sa gitna ng sangkatauhan, kaya Siya namumuhay sa gitna ng sangkatauhan. Nais Niyang mamuhay sa loob ng pagka-Diyos, kaya Siya namumuhay sa loob ng pagka-Diyos. Maaari itong tingnan ng mga tao paano man nila naisin, ngunit ang Diyos ay palaging magiging Diyos at ang mga tao ay palaging magiging mga tao. Ang Kanyang diwa ay hindi maitatanggi dahil sa ilang maliit na detalye, ni hindi Siya maitutulak palabas ng “persona” ng Diyos dahil sa isang maliit na bagay. Ang mga tao ay may kalayaan ng mga tao, at ang Diyos ay may dignidad ng Diyos; hindi nanghihimasok ang mga ito sa isa’t isa. Maaari bang hindi bigyan ng mga tao ng kaunting kalayaan ang Diyos? Hindi ba nila mapagbibigyan ang pagiging medyo kaswal ng Diyos? Huwag kayong masyadong mahigpit sa Diyos! Bawat isa ay dapat magparaya sa isa’t isa; kung gayo’y hindi ba maaaring ayusin ang lahat? Magkakaroon pa ba ng anumang pagkakahiwalay? Kung hindi makapagpaubaya ang isang tao sa gayon kaliit na bagay, paano pa niya masasabi ang anumang gaya ng “Ang puso ng isang punong ministro ay sapat na malaki upang maglayag ang isang bangka rito”? Paano sila magiging isang tunay na tao? Hindi ang Diyos ang nagpapahirap sa sangkatauhan, kundi ang sangkatauhan ang nagpapahirap sa Diyos. Pinangangasiwaan nila palagi ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagpapalaki sa maliliit na bagay. Talagang pinalalaki nila ang maliit na bagay, at talagang hindi ito kailangan! Kapag gumagawa ang Diyos sa loob ng normal at praktikal na pagkatao, ang Kanyang ginagawa ay hindi ang gawain ng sangkatauhan, kundi ang gawain ng Diyos. Gayunman, hindi nakikita ng mga tao ang diwa ng Kanyang gawain; ang palagi lamang nilang nakikita ay ang panlabas na anyo ng Kanyang pagkatao. Hindi pa sila nakakita ng gayon kadakilang gawain, subalit nagpipilit silang makita ang Kanyang karaniwan at normal na pagkatao, at hindi sila titigil. Paano ito matatawag na pagpapasakop sa harap ng Diyos? Ang Diyos sa langit ay “naging” Diyos na sa lupa ngayon, at ang Diyos sa lupa ay Diyos na sa langit. Hindi mahalaga kung magkapareho ang Kanilang panlabas na anyo, ni hindi mahalaga kung gaano magkatulad ang Kanilang paggawa. Sa huli, Siya na gumagawa ng sariling gawain ng Diyos ay ang Diyos Mismo. Kailangan kang magpasakop naisin mo man o hindi—hindi ito isang bagay na may mapagpipilian ka! Ang Diyos ay kailangang sundin ng mga tao, at kailangan talagang magpasakop ang mga tao sa Diyos nang wala ni katiting na pagkukunwari.

Ang grupo ng mga taong nais maangkin ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay yaong mga umaayon sa Kanyang kalooban. Kailangan lamang nilang magpasakop sa Kanyang gawain, at tumigil sa patuloy na pag-aalala sa mga ideya tungkol sa Diyos sa langit, pamumuhay sa kalabuan, o pagpapahirap ng mga bagay-bagay para sa Diyos na nasa katawang-tao. Yaong mga nagagawang sumunod sa Kanya ay yaong mga talagang nakikinig sa Kanyang mga salita at nagpapasakop sa Kanyang mga plano. Ni hindi man lamang pinapansin ng gayong mga tao kung ano talaga ang maaaring hitsura ng Diyos sa langit o kung anong klaseng gawain ang maaaring kasalukuyang ginagawa ng Diyos sa langit sa sangkatauhan; ibinibigay nila nang lubusan ang kanilang puso sa Diyos sa lupa at inilalagak ang kanilang buong pagkatao sa Kanyang harapan. Hindi nila isinasaalang-alang kailanman ang kanilang sariling kaligtasan, ni hindi sila nag-aalala kailanman sa pagiging normal at praktikal ng Diyos na nasa katawang-tao. Yaong mga nagpapasakop sa Diyos na nasa katawang-tao ay maaari Niyang gawing perpekto. Yaong mga naniniwala sa Diyos sa langit ay walang mapapala. Ito ay dahil hindi ang Diyos sa langit, kundi ang Diyos sa lupa, ang nagkakaloob ng mga pangako at pagpapala sa mga tao. Hindi dapat palaging palakihin ng mga tao ang Diyos sa langit samantalang itinuturing na karaniwang tao lamang ang Diyos sa lupa; hindi ito makatarungan. Ang Diyos sa langit ay dakila at kamangha-mangha na may kagila-gilalas na karunungan, subalit ni hindi man lamang ito umiiral; ang Diyos sa lupa ay masyadong karaniwan at hamak, at napaka-normal din. Wala Siyang di-pangkaraniwang isipan o hindi Siya nagsasagawa ng mga kilos na nakakagulat; gumagawa lamang Siya at nagsasalita sa isang napaka-normal at praktikal na paraan. Kahit hindi Siya nagsasalita sa pamamagitan ng kulog o nagpapatawag ng hangin at ulan, Siya talaga ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa langit, at Siya talaga ang Diyos na namumuhay sa piling ng mga tao. Hindi dapat palakihin ng mga tao ang isang taong nagagawa nilang unawain at tumutugma sa kanilang sariling mga imahinasyon bilang Diyos, samantalang nakikita ang isang taong hindi nila matanggap at tiyak na hindi nila maisip na aba. Lahat ng ito ay nagmumula sa pagkasuwail ng mga tao; ito ang lahat ng pinagmumulan ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos.

Sinundan: Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

Sumunod: Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito