Kabanata 9
Yamang isa ka sa mga tao sa Aking sambahayan, at yamang tapat ka sa Aking kaharian, kailangan mong sumunod sa mga pamantayan ng Aking mga kinakailangan sa lahat ng iyong ginagawa. Hindi Ko hinihiling na maging isa kang ulap lamang na nakalutang, kundi na maging makislap kang niyebe, at magtaglay ng kakanyahan nito at, higit pa riyan, ng kahalagahan nito. Dahil Ako ay nagmula sa banal na lupain, hindi Ako katulad ng lotus, na may pangalan lamang at walang kakanyahan, sapagkat nagmumula iyon sa putikan at hindi sa banal na lupain. Ang panahon na bumababa ang isang bagong langit sa ibabaw ng mundo at lumalaganap ang isang bagong mundo sa ibabaw ng kalangitan ay ang panahon din mismo na Ako ay pormal na gumagawa sa mga tao. Sino sa sangkatauhan ang nakakakilala sa Akin? Sino ang nakakita sa sandali ng Aking pagdating? Sino ang nakakita na hindi lamang Ako may pangalan, kundi, bukod pa riyan, may taglay rin Akong kakanyahan? Hinahawi Ko ang mga puting ulap gamit ang Aking kamay at pinagmamasdang mabuti ang kalangitan; walang anuman sa kalawakan na hindi isinaayos ng Aking kamay, at sa ilalim nito, walang sinumang hindi nag-aambag ng kanyang munting pagsisikap para sa katuparan ng Aking makapangyarihang misyon. Hindi Ako gumagawa ng mabibigat na kahilingan sa mga tao sa lupa, sapagkat noon pa man ay Ako na ang praktikal na Diyos at dahil Ako ang Makapangyarihan sa lahat na lumikha sa mga tao at nakakakilala sa kanila nang lubusan. Lahat ng tao ay haharap sa mga mata ng Makapangyarihan sa lahat. Paano pa makakaiwas pati na ang mga nasa pinakaliblib na sulok ng mundo sa pagsisiyasat ng Aking Espiritu? Bagama’t “kilala” ng mga tao ang Aking Espiritu, nagkakasala pa rin sila sa Aking Espiritu. Inilalantad ng Aking mga salita ang mga pangit na mukha ng lahat ng tao, gayundin ang pinakamalalalim nilang saloobin, at ginagawang payak ng Aking liwanag ang lahat ng nasa lupa at ibinubuwal sila sa gitna ng Aking pagsisiyasat. Gayunman, sa kabila ng pagkabuwal, hindi nangangahas ang kanilang puso na lumayo sa Akin. Sa mga nilikha, sino ang hindi natututong magmahal sa Akin dahil sa Aking mga gawa? Sino ang hindi nasasabik sa Akin dahil sa Aking mga salita? Kaninong damdamin ang hindi napapalapit dahil sa Aking pagmamahal? Dahil lamang sa pagtitiwali ni Satanas kaya hindi maabot ng mga tao ang katayuang hinihiling Ko. Kahit ang pinakamababang mga pamantayang hinihiling Ko ay nagdudulot ng mga pag-aalinlangan sa mga tao, huwag nang banggitin pa ang ngayon—ang panahong ito kung kailan nagwawala si Satanas at mapaniil na parang baliw—o ang panahong malubhang tinapakan ni Satanas ang mga tao kaya punung-puno ng dumi ang kanilang buong katawan. Kailan ba Ako hindi nagdalamhati sa kabiguan ng mga tao na magmalasakit sa Aking puso bunga ng kanilang kabuktutan? Maaari kayang kinaaawaan Ko si Satanas? Maaari kayang nagkakamali Ako sa Aking pagmamahal? Kapag sinusuway Ako ng mga tao, lihim na tumatangis ang puso Ko; kapag nilalabanan nila Ako, kinakastigo Ko sila; kapag inililigtas Ko sila at binubuhay silang muli mula sa mga patay, pinangangalagaan Ko sila nang husto; kapag nagpapasakop sila sa Akin, madaling nakakapahinga ang puso Ko at agad Kong nadarama ang malalaking pagbabago sa langit at sa lupa at sa lahat ng bagay. Kapag pinupuri Ako ng tao, paanong hindi Ako masisiyahan doon? Kapag sinasaksihan nila Ako at nakakamit Ko sila, paano Ako hindi makapagtatamo ng kaluwalhatian? Maaari kaya na paano man kumilos at umasal ang mga tao ay hindi Ako ang namahala at tumustos? Kapag hindi Ako nagbigay ng direksyon, tamad at walang kibo ang mga tao; bukod pa riyan, kapag nakatalikod Ako, nakikibahagi sila roon sa mga “kapansin-pansin” na maruruming pakikitungo. Sa tingin mo ba ang katawang-tao, na isinusuot Ko Mismo, ay walang alam sa iyong mga kilos, iyong asal, at iyong mga salita? Natiis Ko na nang maraming taon ang hangin at ulan, at naranasan Ko na rin ang kapaitan ng mundo ng tao; gayunman, sa masusing pagbubulay-bulay, gaano mang pagdurusa ang danasin ay hindi mawawalan ng pag-asa sa Akin ang sangkatauhang may laman, lalong hindi maaaring manlamig, manlumo, o magbalewala sa Akin ang mga tao sanhi ng anumang katamisan. Limitado ba talaga ang pagmamahal nila sa Akin sa kawalan ng pagdurusa o kawalan ng katamisan?
Ngayon, nananahan Ako sa katawang-tao, at opisyal Ko nang sinimulang isagawa ang gawaing kailangan Kong gawin. Bagama’t takot ang mga tao sa tinig ng Aking Espiritu, sinasalungat nila ang kakanyahan ng Aking Espiritu. Hindi Ko kailangang idetalye kung gaano kahirap para sa sangkatauhan na kilalanin Ako na nasa katawang-tao sa Aking mga salita. Tulad ng nasabi Ko noon, hindi Ako mapaghanap sa Aking mga kahilingan, at hindi ninyo kailangang makamit ang buong kaalaman tungkol sa Akin (sapagkat ang tao ay may kakulangan; ito ay isang likas na kundisyon, at hindi mapupunan ng natamong kundisyon). Kailangan lamang ninyong malaman ang lahat ng Aking ginawa at sinambit sa anyo ng katawang-tao. Yamang ang Aking mga kahilingan ay hindi mapaghanap, inaasahan Ko na malalaman ninyo ang mga gawa at salitang ito, at na magtatagumpay kayong makamit ito. Kailangan ninyong alisin sa inyong sarili ang inyong mga karumihan sa maruming mundong ito, kailangan ninyong magpunyaging umunlad sa paurong na “pamilya ng mga emperador” na ito, at huwag kayong maging maluwag sa inyong sarili. Hindi ka dapat maging maluwag sa iyong sarili ni katiting. Kakailanganin mong mag-ukol ng malaking panahon at pagsisikap na malaman kung ano ang Aking binibigkas sa loob ng isang araw, at habambuhay ang kailangan upang maranasan at matamo ang kaalaman mula sa kahit na isang pangungusap na Aking sinambit. Ang mga salitang Aking sinasambit ay hindi malabo at hindi mahirap unawain; hindi ito hungkag na pananalita. Maraming taong umaasa na matamo ang Aking mga salita, ngunit hindi Ko sila iniintindi; maraming taong nauuhaw sa Aking kasaganaan, ngunit hindi Ko sila binibigyan kahit kaunti; maraming taong nagnanais na makita ang Aking mukha, subalit itinago Ko na ito magpakailanman; maraming taong taimtim na nakikinig sa Aking tinig, ngunit ipinipikit Ko ang Aking mga mata at itinitingala ang Aking ulo, na di-natitinag ng kanilang “pananabik”; maraming taong takot sa tunog ng Aking tinig, ngunit ang Aking mga salita ay palaging nakakasakit; maraming taong takot na makita ang Aking pagmumukha, ngunit sadya Akong lumilitaw upang pabagsakin sila. Hindi pa talaga nakita ng mga tao ang Aking mukha, ni hindi pa nila talaga narinig ang Aking tinig; ito ay dahil hindi nila Ako talaga kilala. Bagama’t maaari Ko silang pabagsakin, bagama’t maaari nila Akong iwan, at bagama’t maaari silang kastiguhin ng Aking kamay, hindi pa rin nila alam kung lahat ng kanilang ginagawa ay talagang kaayon ng Aking puso, at wala pa rin silang alam kung kanino Ko mismo inihahayag ang Aking puso. Mula nang likhain ang mundo, wala pa ni isang talagang nakakilala sa Akin o talagang nakakita sa Akin, at bagama’t Ako ay naging tao ngayon, hindi pa rin ninyo Ako kilala. Hindi ba ito totoo? Namasdan mo na ba kailanman ang kahit kaunti ng Aking mga kilos at disposisyon sa katawang-tao?
Sa langit Ako nakahilig, at sa silong ng langit Ako nakasusumpong ng kapahingahan. Mayroon Akong matatahanan, at may panahon Ako para ipamalas ang Aking mga kapangyarihan. Kung wala Ako sa lupa, kung hindi Ko itinago ang Sarili Ko sa loob ng katawang-tao, at kung hindi Ako nagpakumbaba at nagtago, hindi kaya matagal nang nabago ang langit at lupa? Kayo kaya, na Aking mga tao, ay nakasangkapan Ko na? Gayunman, may karunungan sa Aking mga kilos, at bagama’t lubos Kong alam ang panlilinlang ng mga tao, hindi Ko sinusundan ang kanilang halimbawa, kundi sa halip ay binibigyan Ko sila ng isang bagay bilang kapalit. Ang Aking karunungan sa espirituwal na dako ay walang pagkaubos, at ang Aking karunungan sa katawang-tao ay walang hanggan. Hindi ba ito ang panahon mismo kung kailan ginagawang malinaw ang Aking mga gawa? Napatawad at napawalang-sala Ko na ang mga tao nang maraming beses, hanggang sa araw na ito, sa Kapanahunan ng Kaharian. Maaari Ko ba talagang antalahin pa ang Aking panahon? Bagama’t Ako ay medyo naging mas maawain sa marurupok na tao, kapag nakumpleto ang Aking gawain, maaari Ko pa rin bang guluhin ang Sarili Ko sa paggawa ng mga dating gawain? Maaari Ko bang sadyang tulutan si Satanas na paratangan Ako? Hindi Ko kailangan ang mga tao para gawin ang anuman kundi tanggapin ang realidad ng Aking mga salita at ang orihinal na kahulugan nito. Bagama’t simple ang Aking mga salita, masalimuot ang kakanyahan nito, sapagkat napakaliit ninyo at masyado na kayong manhid. Kapag tuwiran Kong inihahayag ang Aking mga hiwaga at pinalilinaw ang Aking kalooban sa katawang-tao, hindi ninyo ito pinapansin; nakikinig kayo sa mga tunog, ngunit hindi ninyo nauunawaan ang kahulugan ng mga ito. Dinaraig Ako ng kalungkutan. Bagama’t Ako ay nasa katawang-tao, hindi Ko magawa ang gawain ng ministeryo ng katawang-tao.
Sino na ang nakaalam sa Aking mga gawa sa katawang-tao mula sa Aking mga salita at pagkilos? Kapag inihayag Ko ang Aking mga hiwaga sa panulat, o sinambit Ko ang mga iyon nang malakas, natutulala ang lahat ng tao; ipinipikit nila ang kanilang mga mata nang tahimik. Bakit hindi maunawaan ng mga tao ang Aking sinasabi? Bakit sila nahihirapang maarok ang Aking mga salita? Bakit napakabulag nila sa Aking mga gawa? Sino ang nakakakita sa Akin at hindi nakakalimot kailanman? Sino sa kanila ang nakakarinig sa Aking tinig at hindi pumapayag na makalagpas ito sa kanila? Sino ang nakadarama sa Aking kalooban at nakakalugod sa Aking puso? Nananahan at kumikilos Ako sa piling ng mga tao; naranasan Ko na ang kanilang buhay—at bagama’t nadama Ko na mabuti ang lahat matapos Kong likhain ang mga ito para sa sangkatauhan, hindi Ako nagagalak sa buhay sa piling ng mga tao, at hindi Ako natutuwa sa anumang kaligayahan sa piling nila. Hindi Ko sila kinamumuhian at tinatanggihan, ngunit hindi rin Ako nagpapadala sa damdamin sa kanila—sapagkat hindi Ako kilala ng mga tao, nahihirapan silang makita ang Aking mukha sa dilim; sa gitna ng lahat ng kaingayan, nahihirapan silang marinig ang Aking tinig at hindi nila mahiwatigan ang Aking sinasabi. Sa gayon, sa tingin, lahat ng inyong ginagawa ay pagpapasakop sa Akin, ngunit sa inyong puso, sinusuway pa rin ninyo Ako. Masasabi na ito ang kabuuan ng dating likas na pagkatao ng sangkatauhan. Sino ang hindi kasama? Sino ang hindi pakay ng Aking pagkastigo? Gayunman, sino ang hindi nananahan sa ilalim ng Aking pagpaparaya? Kung winasak ng Aking poot ang buong sangkatauhan, ano ang magiging kabuluhan ng Aking paglikha ng kalangitan at lupa? Minsan Kong binalaan ang maraming tao, pinayuhan ang maraming tao, at hayagang hinatulan ang maraming tao—hindi ba mas mainam ito kaysa tuwirang wasakin ang sangkatauhan? Ang Aking layunin ay hindi para patayin ang tao, kundi para malaman nila ang lahat ng Aking gawa sa gitna ng Aking paghatol. Kapag pumaitaas kayo mula sa walang-hanggang kalaliman—ibig sabihin, kapag pinakawalan ninyo ang inyong sarili mula sa Aking paghatol—ang mga personal ninyong isinasaalang-alang at mga plano ay maglalahong lahat, at lahat ng tao ay hahangaring mapalugod Ako. Dito, hindi ba nakamit Ko na ang Aking layunin?
Marso 1, 1992