Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 2
Naghangad kayo dati na mamuno bilang mga hari, at ngayon ay kailangan pa ninyong lubos itong talikuran; nais pa rin ninyong mamuno bilang mga hari, hawakan ang kalangitan at suportahan ang lupa. Ngayon, pag-isipan ninyo ang tanong na ito: Taglay mo ba ang gayong mga katangian? Hindi ka ba ganap na walang pakiramdam? Makatotohanan ba ang inyong hinahanap at pinagtutuunan ng pansin? Wala man lamang kayong normal na pagkatao—hindi ba kahabag-habag iyon? Kaya, ngayon ay tatalakayin Ko lamang ang pagiging nalupig, pagpapatotoo, pagpapahusay ng iyong kakayahan, at pagpasok sa landas para magawang perpekto, at wala na akong iba pang tatalakayin. Pagod na ang ilang tao sa purong katotohanan, at kapag nakikita nila ang lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa normal na pagkatao at pagpapahusay ng kakayahan ng mga tao, nag-aatubili sila. Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi madaling gawing perpekto. Hangga’t pumapasok kayo ngayon, at kumikilos ayon sa kalooban ng Diyos, sa paisa-isang hakbang, maaari ba kayong maalis? Matapos makagawa ang Diyos ng napakaraming gawain sa lupain ng Tsina—gawaing napakalawak—at matapos Siyang makasambit ng napakaraming salita, maaari ba Siyang sumuko sa kalagitnaan? Maaari ba Niyang akayin ang mga tao pababa sa walang-hanggang kalaliman? Ngayon, ang mahalaga ay na kailangan ninyong malaman ang diwa ng tao, at kailangan ninyong malaman kung ano ang dapat ninyong pasukin; kailangan ninyong pag-usapan ang buhay pagpasok, at mga pagbabago sa disposisyon, kung paano talaga malupig, at paano ganap na susundin ang Diyos, paano magbahagi ng huling patotoo sa Diyos, at paano makakasunod hanggang kamatayan. Kailangan mong tumuon sa mga bagay na ito, at yaong hindi makatotohanan o mahalaga ay kailangan munang isantabi at pabayaan. Ngayon, dapat mong mabatid kung paano malupig, at kung paano kumikilos ang mga tao matapos silang malupig. Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakasunod ka ba hanggang kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon mang anumang mga maaasam, at hindi ka dapat mawalan ng pananampalataya sa Diyos anuman ang sitwasyon. Sa huli, kailangan mong matamo ang dalawang aspeto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagsunod hanggang kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: nawala ang lahat ng kanyang ari-arian, at pinahirapan ng sakit ng katawan, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan. Noong siya ay ipako sa krus at hinarap ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos; hindi niya inisip ang sarili niyang mga inaasam o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at sundin ang lahat ng plano ng Diyos. Iyan ang batayan na kailangan mong makamtan bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig. Ngayon, kung alam talaga ng mga tao ang sarili nilang diwa at katayuan, maghahangad pa ba sila ng mga inaasam at pag-asa? Ito ang dapat mong malaman: Gawin man akong perpekto ng Diyos, kailangan kong sundan ang Diyos; lahat ng Kanyang ginagawa ngayon ay mabuti at ginagawa para sa aking kapakanan, at upang ang ating disposisyon ay magbago at maialis natin sa ating sarili ang impluwensya ni Satanas, upang tulutan tayong maisilang sa lupain ng karumihan at magkagayunman ay maialis sa ating sarili ang karumihan, maipagpag ang dumi at impluwensya ni Satanas, upang matalikuran ito. Siyempre pa, ito ang kinakailangan sa iyo, ngunit para sa Diyos paglupig lamang ito, na ginagawa upang magkaroon ng matibay na pagpapasiya ang mga tao na sumunod at makapagpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Sa ganitong paraan, maisasakatuparan ang mga bagay-bagay. Ngayon, karamihan sa mga tao ay nalupig na, ngunit sa kanilang kalooban ay marami pang paghihimagsik at katigasan ng ulo. Ang tunay na tayog ng mga tao ay napakaliit pa rin, at mapupuno lamang sila ng sigla kung may mga pag-asa at maaasam; kung walang mga pag-asa at maaasam, nagiging negatibo sila, at iniisip pa nilang talikuran ang Diyos. Bukod pa riyan, walang matinding pagnanais ang mga tao na hangaring isabuhay ang normal na pagkatao. Sa gayon, kailangan Ko pa ring talakayin ang paglupig. Sa katunayan, nangyayari ang pagpeperpekto kasabay ng paglupig: Habang ikaw ay nilulupig, nakakamit din ang mga unang epekto ng pagiging nagawang perpekto. Kung saan may pagkakaiba sa pagitan ng malupig at magawang perpekto, ito ay ayon sa antas ng pagbabago sa mga tao. Ang malupig ang unang hakbang upang magawang perpekto, at hindi nangangahulugan na ganap na silang nagawang perpekto, ni hindi nito pinatutunayan na ganap na silang naangkin ng Diyos. Matapos malupig ang mga tao, may ilang pagbabago sa kanilang disposisyon, ngunit ang mga pagbabagong iyon ay napakalayo sa mga taong ganap nang naangkin ng Diyos. Ngayon, ang ginagawa ay ang paunang gawain para magawang perpekto ang mga tao—ang paglupig sa kanila—at kung hindi ka malupig, walang paraan upang magawa kang perpekto at ganap na maangkin ng Diyos. Magtatamo ka lamang ng ilang salita ng pagkastigo at paghatol, ngunit hindi makakaya ng mga ito na ganap na baguhin ang puso mo. Kaya magiging isa ka sa mga inaalis; wala itong ipinagkaiba sa pagtingin sa isang katakam-takam na piging sa ibabaw ng mesa ngunit hindi ito makain. Hindi ba nakalulungkot ang tagpong ito para sa iyo? Kaya nga kailangan kang maghangad ng mga pagbabago: Ang malupig man o magawang perpekto, kapwa nauugnay ito sa kung mayroong mga pagbabago sa iyo, at kung masunurin ka man o hindi, at ito ang nagpapasiya kung ikaw ay maaangkin ng Diyos o hindi. Dapat mong malaman na ang “malupig” at “magawang perpekto” ay batay lamang sa lawak ng pagbabago at pagsunod, pati na rin sa kung gaano kadalisay ang iyong pagmamahal sa Diyos. Ang kinakailangan ngayon ay na ganap kang magagawang perpekto, ngunit sa simula ay kailangan kang malupig—kailangan ay mayroon kang sapat na kaalaman tungkol sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, kailangan ay mayroon kang pananampalatayang sumunod, at maging isang taong naghahangad ng pagbabago at naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos. Saka ka lamang magiging isang tao na naghahangad na magawang perpekto. Dapat ninyong maunawaan na habang ginagawa kayong perpekto ay lulupigin kayo, at habang nilulupig kayo ay gagawin kayong perpekto. Ngayon, maaari kang maghangad na magawang perpekto o maghangad ng mga pagbabago sa iyong panlabas na pagkatao at mapahusay ang iyong kakayahan, ngunit ang pinakamahalaga ay na nauunawaan mo na lahat ng ginagawa ngayon ng Diyos ay may kahulugan at kapaki-pakinabang: Ikaw na isinilang sa isang lupain ng karumihan ay nagkakaroon ng kakayahang makatakas sa karumihan at maipagpag ito, binibigyan ka nito ng kakayahang madaig ang impluwensya ni Satanas, at talikuran ang madilim na impluwensya ni Satanas. Sa pagtutuon sa mga bagay na ito, protektado ka sa lupaing ito ng karumihan. Sa huli, anong patotoo ang hihilinging ibigay mo? Ikaw ay isinilang sa isang lupain ng karumihan ngunit nagagawa mong maging banal, na hindi na muling mabahiran ng dumi kailanman, na mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ngunit inaalis sa iyong sarili ang impluwensya ni Satanas, na hindi masapian ni maligalig ni Satanas, at mabuhay sa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat. Ito ang patotoo, at ang katibayan ng tagumpay sa pakikipaglaban kay Satanas. Nagagawa mong talikuran si Satanas, hindi ka na nagpapakita ng napakasasamang disposisyon sa iyong pagsasabuhay, kundi sa halip ay isinasabuhay mo yaong hinihiling ng Diyos na makamit ng tao nang likhain Niya ang tao: normal na pagkatao, normal na pakiramdam, normal na kabatiran, normal na matibay na pagpapasiyang mahalin ang Diyos, at katapatan sa Diyos. Ganyan ang patotoong ibinabahagi ng isang nilalang ng Diyos. Sabi mo, “Tayo ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, ngunit dahil sa proteksyon ng Diyos, dahil sa Kanyang pamumuno, at dahil nalupig Niya tayo, naalis na natin sa ating sarili ang impluwensya ni Satanas. Nakakaya nating sumunod ngayon dahil sa epekto ng paglupig ng Diyos, at hindi dahil sa mabuti tayo, o dahil likas nating mahal ang Diyos. Iyon ay dahil hinirang tayo ng Diyos, at itinalaga tayo noon pa man, kaya tayo nalupig ngayon, nagagawa nating magpatotoo sa Kanya, at maglingkod sa Kanya; gayundin, ito ay dahil hinirang Niya tayo at pinrotektahan, kaya tayo naligtas at napalaya mula sa kapangyarihan ni Satanas, at maaari nating talikuran ang karumihan at mapadalisay sa bansa ng malaking pulang dragon.” Dagdag pa rito, ang iyong isinasabuhay ay magpapakita na mayroon kang normal na pagkatao, may katuturan ang sinasabi mo, at isinasabuhay mo ang wangis ng isang normal na tao. Kapag nakikita ka ng iba, hindi mo sila dapat bigyan ng dahilan para sabihing, “Hindi ba ito ang imahe ng malaking pulang dragon?” Ang pag-uugali ng mga sister ay hindi angkop sa isang sister, ang pag-uugali ng mga brother ay hindi angkop sa isang brother, at wala sa iyo ang kagandahang-asal ng mga santo. Sa gayon ay sasabihin ng mga tao, “Kaya pala sinabi ng Diyos na sila ay mga inapo ni Moab, tama nga Siya!” Kung titingnan kayo ng mga tao at sasabihin nilang, “Kahit sinabi ng Diyos na mga inapo kayo ni Moab, napatunayan ng isinasabuhay ninyo na tinalikuran na ninyo ang impluwensya ni Satanas; bagama’t nasa kalooban pa rin ninyo ang mga bagay na iyon, nagagawa ninyong talikuran ang mga iyon, nagpapakita ito na ganap na kayong nalupig,” sasabihin ninyong mga nalupig at nailigtas, “Totoong kami ang mga inapo ni Moab, ngunit nailigtas kami ng Diyos, at bagama’t ang mga inapo ni Moab noong araw ay pinabayaan at isinumpa, at itinapon ng mga tao ng Israel sa mga Hentil, ngayon ay nailigtas kami ng Diyos. Totoong kami ang pinakatiwali sa lahat ng tao—ang Diyos ang nagpasiya nito, ito ay totoo, at hindi ito maikakaila ng lahat. Ngunit ngayon ay nakatakas na kami sa impluwensyang iyon. Kinamumuhian namin ang aming mga ninuno, handa kaming tumalikod sa aming mga ninuno, upang lubos na itong talikuran at sundin ang lahat ng plano ng Diyos, na kumikilos ayon sa kalooban ng Diyos at isinasagawa ang Kanyang mga kahilingan sa amin, at napapalugod namin ang kalooban ng Diyos. Ipinagkanulo ni Moab ang Diyos, hindi siya kumilos ayon sa kalooban ng Diyos, at kinasuklaman siya ng Diyos. Ngunit dapat nating pagmalasakitan ang puso ng Diyos, at ngayon, dahil nauunawaan natin ang kalooban ng Diyos, hindi natin maaaring ipagkanulo ang Diyos, at dapat nating itakwil ang dati nating ninuno!” Noong nakaraan nagsalita Ako tungkol sa pagtatakwil sa malaking pulang dragon, at ngayon, tungkol lamang ito sa pagtatakwil sa dating ninuno ng mga tao. Ito ay isang patotoo ng paglupig sa mga tao, at paano ka man pumasok ngayon, hindi dapat magkulang ang iyong patotoo sa aspetong ito.
Ang kakayahan ng mga tao ay napakahina, kulang na kulang sila sa normal na pagkatao, ang kanilang mga reaksyon ay napakabagal, napakakupad, iniwan na silang manhid at mapurol ang utak ng pagtitiwali ni Satanas, at bagama’t hindi sila maaaring ganap na magbago sa loob ng isa o dalawang taon, kailangan ay matibay silang magpasiya na makipagtulungan. Masasabi na isa rin itong patotoo sa harap ni Satanas. Ang patotoo sa ngayon ang epektong nakakamit ng kasalukuyang gawain ng panlulupig, at isa ring halimbawa at huwaran ng mga alagad sa hinaharap. Sa hinaharap, kakalat ito sa lahat ng bansa; ang gawaing ginagawa sa Tsina ay kakalat sa lahat ng bansa. Ang mga inapo ni Moab ang pinakaaba sa lahat ng tao sa buong mundo. Nagtatanong ang ilang tao, “Hindi ba ang mga inapo ni Ham ang pinakaaba sa lahat?” Ang mga supling ng malaking pulang dragon at ang mga inapo ni Ham ay magkaiba ang laki ng kahalagahan, at ang mga inapo ni Ham ay ibang bagay: Paano man sila isinumpa, mga inapo pa rin sila ni Noe; ang mga pinagmulan ni Moab, samantala, ay hindi puro: Si Moab ay nagmula sa pakikiapid, at nariyan ang pagkakaiba. Bagama’t parehong isinumpa, hindi magkapareho ang kanilang katayuan, kaya nga ang mga inapo ni Moab ang pinakaaba sa lahat ng tao—at wala nang iba pang katotohanang mas kapani-paniwala kaysa sa panlulupig sa pinakaaba sa lahat ng tao. Ang gawain ng mga huling araw ay lumalabag sa lahat ng panuntunan, at isumpa ka man o parusahan, basta’t tumutulong ka sa Aking gawain at may pakinabang sa gawain ng panlulupig ngayon, at inapo ka man ni Moab o supling ng malaking pulang dragon, basta’t nagagampanan mo ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos sa yugtong ito ng gawain at ginagawa mo ang lahat na kaya mo, makakamit ang hangad na epekto. Ikaw ang supling ng malaking pulang dragon, at ikaw ay isang inapo ni Moab; sa kabuuan, lahat ng may laman at dugo ay mga nilalang ng Diyos, at nilikha ng Lumikha. Ikaw ay isang nilalang ng Diyos, hindi ka dapat magkaroon ng anumang pagpipilian, at ito ang iyong tungkulin. Mangyari pa, ngayon ay nakatuon ang gawain ng Lumikha sa buong sansinukob. Kanino ka man nagmula, higit sa lahat ay isa ka sa mga nilalang ng Diyos, kayo—mga inapo ni Moab—ay bahagi ng mga nilalang ng Diyos, na ang tanging kaibhan ay na mas mababa ang inyong kahalagahan. Yamang, ngayon, ang gawain ng Diyos ay isinasagawa sa lahat ng nilalang at nakatuon sa buong sansinukob, malaya ang Lumikha na pumili ng sinumang mga tao, usapin, o bagay upang gawin ang Kanyang gawain. Wala Siyang pakialam kung kanino ka nagmula dati; basta’t isa ka sa Kanyang mga nilalang, at basta’t kapaki-pakinabang ka sa Kanyang gawain—ang gawain ng panlulupig at patotoo—isasagawa Niya ang Kanyang gawain sa iyo nang walang pag-aalinlangan. Sinisira nito ang tradisyonal na mga kuru-kuro ng mga tao, na ang Diyos ay hindi gagawa kailanman sa mga Hentil, lalo na roon sa mga naisumpa at aba; para sa mga taong naisumpa, lahat ng henerasyon sa hinaharap na nagmumula sa kanila ay isusumpa rin magpakailanman, at hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataong maligtas; hindi kailanman bababa ang Diyos at gagawa sa lupain ng Hentil, at hindi kailanman tatapak sa lupain ng karumihan, sapagkat Siya ay banal. Lahat ng kuru-kurong ito ay sinira na ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Dapat ninyong malaman na ang Diyos ang Diyos ng lahat ng nilalang, hawak Niya ang kapamahalaan sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at hindi lamang Diyos ng mga tao ng Israel. Sa gayon, napakahalaga ng gawaing ito sa Tsina, at hindi ba ito lalaganap sa lahat ng bansa? Ang malaking patotoo sa hinaharap ay hindi magiging limitado sa Tsina; kung kayo lamang ang nilupig ng Diyos, maaari bang makumbinsi ang mga demonyo? Hindi nila nauunawaan ang malupig, o ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, at kapag namasdan ng mga taong hinirang ng Diyos sa buong sansinukob ang huling mga epekto ng gawaing ito, saka lamang malulupig ang lahat ng nilalang. Wala nang mas paurong o tiwali kaysa sa mga inapo ni Moab. Kung malulupig ang mga taong ito—sila na napakatiwali, na hindi kinilala ang Diyos o naniwala na may isang Diyos ay nalupig na, at kinikilala ang Diyos sa kanilang bibig, pinupuri Siya, at nagagawa Siyang mahalin—saka lamang ito magiging patotoo tungkol sa panlulupig. Bagama’t hindi kayo si Pedro, isinasabuhay ninyo ang imahe ni Pedro, nagagawa ninyong taglayin ang patotoo ni Pedro, at ni Job, at ito ang pinakadakilang patotoo. Sa huli sasabihin mo: “Hindi kami mga Israelita, kundi pinabayaang mga inapo ni Moab, hindi kami si Pedro, na ang kakayahan ay hindi namin kaya, ni hindi kami si Job, at ni hindi kami maikukumpara sa matibay na pagpapasiya ni Pablo na magdusa para sa Diyos at ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, at masyado kaming paurong, at sa gayon, hindi kami karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala ng Diyos. Itinaas pa rin kami ng Diyos ngayon; kaya kailangan naming palugurin ang Diyos, at bagama’t hindi sapat ang aming kakayahan o mga katangian, handa kaming palugurin ang Diyos—ito ang aming matibay na pasiya. Kami ay mga inapo ni Moab, at kami ay isinumpa. Iniutos ito ng Diyos, at hindi namin kayang baguhin ito, ngunit maaaring magbago ang aming pagsasabuhay at aming kaalaman, at matibay ang aming pasiya na palugurin ang Diyos.” Kapag mayroon ka ng matibay na pagpapasiyang ito, magpapatunay ito na nagpatotoo ka na nalupig ka na.