Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Ang Diyos sa Kanyang unang pagkakatawang-tao ay nanirahan sa ibabaw ng lupa sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon, at isinagawa ang Kanyang ministeryo sa loob lamang ng tatlo’t kalahati ng mga taon na iyon. Kapwa noong Siya ay gumawa, at bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain, nagtaglay Siya ng normal na pagkatao; nanahan Siya sa Kanyang normal na pagkatao sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon. Sa buong huling tatlo’t kalahating taon, inihayag Niya na Siya Mismo ang Diyos na nagkatawang-tao. Bago Niya sinimulang isagawa ang Kanyang ministeryo, nagpakita Siya sa ordinaryo at normal na pagkatao, na hindi nagpapakita ng tanda ng Kanyang pagka-Diyos, at nakita ang Kanyang pagka-Diyos matapos lamang Niyang pormal na simulan ang pagganap sa Kanyang ministeryo. Ang Kanyang buhay at gawain noong unang dalawampu’t siyam na taon na iyon ay nagpamalas na Siya ay isang tunay na tao, isang anak ng tao, at may katawang-taong may laman, sapagkat nagsimula lamang nang seryoso ang Kanyang ministeryo pagkaraan ng edad na dalawampu’t siyam. Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa larawan ng katawang-tao. Kaya para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkatawang-tao, naging isang tao. Ang Kanyang buhay at gawain sa katawang-tao ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Una ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Naninirahan Siya sa piling ng isang ordinaryong pamilya ng tao, sa lubos na normal na pagkatao, sumusunod sa normal na mga moralidad at batas ng buhay ng tao, na may normal na mga pangangailangan ng normal na tao (pagkain, damit, tulog, tirahan), normal na mga kahinaan ng tao, at normal na mga damdamin ng tao. Sa madaling salita, sa unang yugtong ito ay nabubuhay Siya sa pagkataong walang pagka-Diyos at lubos na normal, nakikisali sa lahat ng normal na aktibidad ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Nananahan pa rin Siya sa ordinaryong pagkatao na may isang normal na katawan ng tao, na hindi nagpapakita ng panlabas na tanda ng pagiging higit-sa-karaniwan. Subalit namumuhay Siya nang dalisay para lamang sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ay ganap na umiiral ang Kanyang normal na pagkatao upang suportahan ang normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos, sapagkat sa panahong iyon ay gumulang na ang Kanyang normal na pagkatao hanggang sa punto na kaya na Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo. Kaya, ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay upang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang normal na pagkatao, kapag ito ay isang buhay kapwa ng normal na pagkatao at ng ganap na pagka-Diyos. Sa unang yugto ng Kanyang buhay, kaya Siya namumuhay sa ganap na ordinaryong pagkatao ay dahil ang Kanyang pagkatao ay hindi pa kayang panatilihin ang kabuuan ng banal na gawain, hindi pa gumugulang; matapos gumulang ang Kanyang pagkatao, saka lamang Siya nagkaroon ng kakayahang balikatin ang Kanyang ministeryo, nakayanan Niyang magsimulang gampanan ang ministeryong dapat Niyang isagawa. Dahil kailangan Niya, bilang katawang-tao, na lumaki at gumulang, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay yaong sa normal na pagkatao—samantalang sa pangalawang yugto, dahil kaya ng Kanyang pagkatao na isagawa ang Kanyang gawain at gampanan ang Kanyang ministeryo, ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng Kanyang ministeryo ay parehong sa pagkatao at sa ganap na pagka-Diyos. Kung, mula sa sandali ng Kanyang pagsilang, masigasig na sinimulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, na nagsasagawa ng higit-sa-karaniwang mga tanda at himala, hindi sana Siya nagkaroon ng pisikal na diwa. Samakatuwid, umiiral ang Kanyang pagkatao para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na diwa; hindi maaaring magkaroon ng katawang-tao nang walang pagkatao, at ang isang taong walang pagkatao ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang pagkatao ng laman ng Diyos ay isang tunay na pagmamay-ari ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos lubos Siyang banal, at hindi talaga tao,” ay kalapastanganan, sapagkat wala talagang ganitong pahayag, at lumalabag ito sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, namumuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos na may katawan ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; kaya lamang, sa panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay para lamang sa layuning tulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang kumakatawan sa gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang gumagawa, subalit ang pagka-Diyos na ito ay nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; sa totoo lang, ang Kanyang gawain ay ginagawa ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang nagsasagawa ng gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Masasabi ng isang tao na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagkat ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao, may katawan ng tao at diwa ng tao ngunit mayroon ding diwa ng Diyos. Dahil Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, nangingibabaw Siya sa lahat ng taong nilikha, nangingibabaw sa sinumang taong makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may katawan ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga tao maliban sa pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang mas mahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin ang totoong diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahit matapos Akong magsalita nang napakahaba tungkol dito, inaasahan Ko na isa pa rin itong hiwaga sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Dahil naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kumbinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, Diyos Mismo sa lupa.
Ang buhay na ipinamuhay ni Jesus sa lupa ay isang normal na buhay ng katawang-tao. Namuhay Siya sa normal na pagkatao ng Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang awtoridad—na gawin ang Kanyang gawain at sambitin ang Kanyang salita, o pagalingin ang maysakit at palayasin ang mga demonyo, gawin ang gayong di-pangkaraniwang mga bagay—ay hindi nakita, kadalasan, hanggang sa simulan Niya ang Kanyang ministeryo. Ang Kanyang buhay bago mag-edad dalawampu’t siyam, bago Niya isinagawa ang Kanyang ministeryo, ay sapat nang patunay na isa lamang Siyang normal na katawang may laman. Dahil dito, at dahil hindi pa Niya nasimulang isagawa ang Kanyang ministeryo, walang nakita ang mga tao na anumang pagka-Diyos sa Kanya, wala silang nakitang higit pa sa isang normal na tao, isang ordinaryong tao—tulad noon, naniwala ang ilang tao na Siya ang anak ni Jose. Ang akala ng mga tao ay anak Siya ng isang ordinaryong tao, wala silang paraan para masabi na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; habang isinasagawa Niya ang Kanyang ministeryo, kahit noong Siya ay magsagawa ng maraming himala, sinabi pa rin ng karamihan sa mga tao na Siya ang anak ni Jose, sapagkat Siya ang Cristo na may katawan ng normal na pagkatao. Ang Kanyang normal na pagkatao at ang Kanyang gawain ay kapwa umiral upang matupad ang kabuluhan ng unang pagkakatawang-tao, upang patunayan na ang Diyos ay ganap na naging tao, na Siya ay naging lubos na ordinaryong tao. Ang Kanyang normal na pagkatao bago Niya sinimulan ang Kanyang gawain ay patunay na Siya ay isang ordinaryong katawang-tao; at na Siya ay gumawa pagkatapos nito ay nagpatunay rin na Siya ay isang ordinaryong katawang-tao, sapagkat nagsagawa Siya ng mga tanda at himala, nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo sa katawang may normal na pagkatao. Kaya Siya nakakagawa ng mga himala ay dahil ang Kanyang katawang-tao ay may awtoridad ng Diyos, ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos. Taglay Niya ang awtoridad na ito dahil sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito nangangahulugan na Siya ay hindi isang tao. Ang pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang gawaing kinailangan Niyang isagawa sa Kanyang ministeryo, isang pagpapahayag ito ng Kanyang pagka-Diyos na nakatago sa Kanyang pagkatao, at ano mang mga tanda ang Kanyang ipinakita o paano man Niya ipinamalas ang Kanyang awtoridad, namuhay pa rin Siya sa normal na pagkatao at isa pa ring normal na tao. Hanggang sa dumating sa punto na Siya ay nabuhay na mag-uli matapos mamatay sa krus, nanahan Siya sa loob ng normal na katawan. Ang pagkakaloob ng biyaya, pagpapagaling ng maysakit, at pagpapalayas ng mga demonyo ay bahaging lahat ng Kanyang ministeryo, lahat ay gawaing Kanyang isinagawa sa Kanyang normal na katawan. Bago Siya ipinako sa krus, hindi Siya kailanman umalis sa Kanyang normal na katawan ng tao, anuman ang Kanyang ginagawa. Siya ang Diyos Mismo, ginagawa ang sariling gawain ng Diyos, subalit dahil Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, Siya ay kumain ng pagkain at nagsuot ng damit, nagkaroon ng normal na mga pangangailangan ng tao, nagkaroon ng normal na pangangatwiran ng tao, at normal na pag-iisip ng tao. Lahat ng ito ay patunay na Siya ay isang normal na tao, na nagpatunay na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay isang laman na may normal na pagkatao, hindi higit-sa-karaniwan. Ang Kanyang tungkulin ay kumpletuhin ang gawain ng unang pagkakatawang-tao ng Diyos, tuparin ang ministeryong dapat isagawa sa unang pagkakatawang-tao. Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na isinasagawa ng isang ordinaryo at normal na tao ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, isinasagawa ng Diyos na iyon ang Kanyang banal na gawain sa pagkatao at sa gayon ay nagagapi si Satanas. Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang tao, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay ang gawain ng Espiritu, na nagiging totoo sa katawang-tao, ipinapahayag ng tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang normal na pagkataong ito—at wala nang iba—ang maaaring magpahayag ng banal na gawain. Kung, noong una Siyang pumarito, hindi nagtaglay ang Diyos ng normal na pagkatao bago Siya nag-edad dalawampu’t siyam—kung noong Siya ay isilang ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong Siya ay matutong magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay nakaya Niyang hulihin ang lahat ng makamundong bagay, mahiwatigan ang mga iniisip at layunin ng bawat tao—hindi maaaring natawag ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring natawag ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung nangyari ito kay Cristo, mawawalan ng kahulugan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na pagkatao ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman; ang katotohanan na sumailalim Siya sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapamalas na Siya ay isang normal na tao; bukod pa riyan, ang Kanyang gawain ay sapat nang patunay na Siya ang Salita ng Diyos, ang Espiritu ng Diyos, na naging tao. Ang Diyos ay naging tao dahil sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain; sa madaling salita, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang isagawa sa katawang-tao, kailangan itong isagawa sa normal na pagkatao. Ito ang unang kailangan para sa “ang Salita ay naging tao,” para sa “ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at ito ang tunay na kuwento sa likod ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Maaaring maniwala ang mga tao na buong buhay na nagsagawa si Jesus ng mga himala, na wala Siyang ipinakitang tanda ng pagkatao hanggang sa matapos ang Kanyang gawain sa lupa, na wala Siyang normal na mga pangangailangan ng tao o mga kahinaan o emosyon ng tao, hindi nangailangan ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay o nagpasok sa Kanyang isipan ng normal na mga kaisipan ng tao. Iniisip nila na mayroon lamang Siyang higit-sa-karaniwang isipan, isang nangingibabaw na pagkatao. Naniniwala sila na dahil Siya ang Diyos, hindi Siya dapat mag-isip at mamuhay na tulad ng ginagawa ng normal na mga tao, na tanging isang normal na tao, isang tunay na tao, ang makakapag-isip ng normal na mga kaisipan ng tao at makakapamuhay ng isang normal na buhay ng tao. Lahat ng ito ay mga ideya ng tao at mga kuru-kuro ng tao, at ang mga kuru-kuro na ito ay salungat sa orihinal na mga layunin ng gawain ng Diyos. Ang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa normal na pangangatwiran ng tao at normal na pagkatao; ang normal na pagkatao ay sumusuporta sa normal na mga tungkulin ng katawang-tao; at ang normal na mga tungkulin ng katawang-tao ay nagpapagana sa normal na buhay ng katawang-tao sa kabuuan nito. Tanging sa pamamagitan ng paggawa sa gayong katawang-tao maaaring matupad ng Diyos ang layunin ng Kanyang pagkakatawang-tao. Kung ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtaglay lamang ng panlabas na katawan ng laman, ngunit hindi nag-isip ng normal na mga kaisipan ng tao, ang katawang-taong ito ay hindi magtataglay ng pangangatwiran ng tao, lalo pa ng tunay na pagkatao. Paano matutupad ng isang katawang-taong tulad nito, na walang pagkatao, ang ministeryong dapat isagawa ng Diyos na nagkatawang-tao? Ang normal na pag-iisip ay sumusuporta sa lahat ng aspeto ng buhay ng tao; kung walang normal na pag-iisip, hindi magiging tao ang isang tao. Sa madaling salita, ang isang taong hindi nag-iisip ng normal na mga kaisipan ay may sakit sa pag-iisip, at ang isang Cristo na walang pagkatao kundi pagka-Diyos lamang ay hindi masasabing nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kaya, paano mawawalan ng normal na pagkatao ang nagkatawang-taong laman ng Diyos? Hindi ba kalapastanganang sabihin na si Cristo ay walang pagkatao? Lahat ng aktibidad na sinasalihan ng normal na mga tao ay umaasa sa takbo ng isang normal na pag-iisip ng tao. Kung wala ito, magiging lihis kung kumilos ang mga tao; ni hindi nila masasabi ang pagkakaiba sa pagitan ng itim at puti, mabuti at masama; at hindi sila magkakaroon ng mabubuting asal ng tao at mga prinsipyong moral. Gayundin, kung hindi nag-isip ang Diyos na nagkatawang-tao na gaya ng isang normal na tao, hindi Siya isang tunay na tao, isang normal na tao. Ang gayong tao na hindi nag-iisip ay hindi makakayang gawin ang banal na gawain. Hindi Niya magagawang normal na makisali sa mga aktibidad ng normal na tao, lalo pa ang mamuhay na kasama ng mga tao sa lupa. Kaya nga, ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang pinakadiwa ng pagparito ng Diyos sa katawang-tao, ay mawawala. Umiiral ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao para mapanatili ang normal na banal na gawain sa katawang-tao; ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa Kanyang normal na pagkatao at sa lahat ng Kanyang normal na pisikal na aktibidad. Masasabi ng isang tao na ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay umiiral upang suportahan ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao. Kung ang katawang-taong ito ay hindi nagtaglay ng isang normal na pag-iisip ng tao, hindi maaaring gumawa ang Diyos sa katawang-tao, at hindi maaaring isakatuparan kailanman ang kailangan Niyang gawin sa katawang-tao. Bagama’t ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng normal na pag-iisip ng tao, ang Kanyang gawain ay hindi nahahaluan ng kaisipan ng tao; ginagawa Niya ang gawain sa pagkataong may normal na pag-iisip, sa ilalim ng kundisyon na magtaglay ng pagkataong may pag-iisip, hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng normal na kaisipan ng tao. Gaano man katayog ang mga kaisipan ng Kanyang katawang-tao, ang Kanyang gawain ay hindi nababahiran ng lohika o pag-iisip. Sa madaling salita, ang Kanyang gawain ay hindi binubuo ng pag-iisip ng Kanyang katawang-tao, kundi isang direktang pagpapahayag ng banal na gawain sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang buong gawain ay ang ministeryong kailangan Niyang tuparin, at walang anuman dito ang inisip ng Kanyang utak. Halimbawa, pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagpapako sa krus ay hindi mga produkto ng Kanyang pag-iisip bilang tao, at hindi maaaring makamtan ng sinumang tao na may pag-iisip ng tao. Gayundin, ang gawain ng panlulupig ngayon ay isang ministeryong kailangang isagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito ang gawain ng kagustuhan ng tao, ito ang gawaing dapat gawin ng Kanyang pagka-Diyos, gawaing hindi kayang gawin ng sinumang taong may laman. Kaya ang Diyos na nagkatawang-tao ay kailangang magtaglay ng isang normal na pag-iisip ng tao, kailangang magtaglay ng normal na pagkatao, dahil kailangan Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa pagkataong may normal na pag-iisip. Ito ang diwa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pinakadiwa ng Diyos na nagkatawang-tao.
Bago isinagawa ni Jesus ang gawain, namuhay lamang Siya sa Kanyang normal na pagkatao. Walang sinumang makapagsabi na Siya ang Diyos, walang sinumang nakaalam na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; kilala lamang Siya ng mga tao bilang isang ganap na ordinaryong tao. Ang Kanyang lubos na ordinaryo at normal na pagkatao ay patunay na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa laman, at na ang Kapanahunan ng Biyaya ang kapanahunan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ang kapanahunan ng gawain ng Espiritu. Patunay ito na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na nagkatotoo sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isasagawa ng Kanyang katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristong may normal na pagkatao ay isang katawang-tao kung saan naging totoo ang Espiritu, at nagtataglay ng normal na pagkatao, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang “maging totoo” ay nangangahulugan na ang Diyos ay nagiging tao, ang Espiritu ay nagiging tao; para mas malinaw, ito ay kapag nanahan ang Diyos Mismo sa isang katawang may normal na pagkatao, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao. Sa una Niyang pagkakatawang-tao, kinailangan ng Diyos na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, dahil ang Kanyang gawain ay tumubos. Upang matubos ang buong lahi ng tao, kinailangan Niyang maging mahabagin at mapagpatawad. Ang gawaing Kanyang ginawa bago Siya ipinako sa krus ay ang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, na nagbadya ng Kanyang pagliligtas sa tao mula sa kasalanan at karumihan. Dahil ito ang Kapanahunan ng Biyaya, kinailangan Niyang pagalingin ang maysakit, sa gayon ay nagpapakita Siya ng mga tanda at himala, na kumatawan sa biyaya noong panahong iyon—sapagkat ang Kapanahunan ng Biyaya ay nakasentro sa pagkakaloob ng biyaya, na isinasagisag ng kapayapaan, kagalakan, at materyal na mga biyaya, lahat ay palatandaan ng pananampalataya ng mga tao kay Jesus. Ibig sabihin, ang pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagkakaloob ng biyaya ay mga likas na abilidad ng katawang-tao ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga ito ay gawain ng Espiritung naging totoo sa katawang-tao. Ngunit habang nagsasagawa Siya ng gayong gawain, namuhay Siya sa katawang-tao, at hindi nangibabaw sa katawang-tao. Anumang mga pagpapagaling ang Kanyang isinagawa, taglay pa rin Niya ang normal na pagkatao, namuhay pa rin ng normal na buhay ng tao. Kaya Ko sinasabi na sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isinagawa ng katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu, ay dahil anumang gawain ang Kanyang ginawa, ginawa Niya iyon sa katawang-tao. Ngunit dahil sa Kanyang gawain, hindi itinuring ng mga tao na ang Kanyang katawang-tao ay nagtataglay ng ganap na pisikal na diwa, sapagkat ang katawang-taong ito ay kayang gumawa ng mga himala, at sa tiyak na espesyal na mga sandali ay kayang gumawa ng mga bagay na nangibabaw sa laman. Siyempre, lahat ng pangyayaring ito ay naganap pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, gaya ng pagsubok sa Kanya sa loob ng apatnapung araw o pagbabagong-anyo sa bundok. Kaya kay Jesus, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi natapos, kundi bahagi pa lamang ang natupad. Ang buhay na Kanyang ipinamuhay sa katawang-tao bago Siya nagsimula sa Kanyang gawain ay lubos na normal sa lahat ng aspeto. Matapos Niyang simulan ang gawain, pinanatili lamang Niya ang panlabas na katawan ng Kanyang laman. Dahil ang Kanyang gawain ay isang pagpapahayag ng pagka-Diyos, nahigitan nito ang normal na mga tungkulin ng laman. Kunsabagay, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay iba sa mga taong may laman at dugo. Siyempre, sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, kinailangan Niya ng pagkain, damit, tulog, at tirahan, kinailangan Niya ang lahat ng normal na pangangailangan, at nagkaroon Siya ng pakiramdam ng normal na tao, at nag-isip na gaya ng normal na tao. Itinuring Siya ng mga tao na isang normal na tao, kaya lamang ay higit-sa-karaniwan ang gawaing Kanyang ginawa. Ang totoo, anuman ang Kanyang ginawa, nabuhay Siya sa isang ordinaryo at normal na pagkatao, at sa ganang pagsasagawa Niya ng gawain, ang Kanyang diwa ay lalo nang normal, ang Kanyang mga kaisipan lalo na ay malinaw, nang higit kaysa sa sinupamang normal na tao. Kinailangan ng Diyos na nagkatawang-tao na magkaroon ng gayong pag-iisip at pakiramdam, sapagkat ang banal na gawain ay kinailangang ipahayag ng isang katawang-tao na ang pakiramdam ay normal na normal at ang mga kaisipan ay napakaliwanag—sa ganitong paraan lamang maaaring ipahayag ng Kanyang katawang-tao ang banal na gawain. Sa buong tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon na nabuhay si Jesus sa lupa, pinanatili Niya ang Kanyang normal na pagkatao, ngunit dahil sa Kanyang gawain noong panahon ng Kanyang tatlo’t kalahating taon ng ministeryo, inakala ng mga tao na Siya ay lubhang nangingibabaw, na Siya ay lalo pang higit-sa-karaniwan kaysa rati. Ang totoo, ang normal na pagkatao ni Jesus ay nanatiling di-nagbabago bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo; ang Kanyang pagkatao ay pareho hanggang katapusan, ngunit dahil sa pagkakaiba bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, dalawang magkaibang pananaw ang lumitaw tungkol sa Kanyang katawang-tao. Anuman ang isipin ng mga tao, pinanatili ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang orihinal at normal na pagkatao sa buong panahon, sapagkat mula nang magkatawang-tao ang Diyos, namuhay Siya sa katawang-tao, ang katawang-taong may normal na pagkatao. Isinasagawa man Niya noon ang Kanyang ministeryo o hindi, hindi maaaring mabura ang normal na pagkatao ng Kanyang katawang-tao, sapagkat ang pagkatao ang pangunahing kakanyahan ng laman. Bago isinagawa ni Jesus ang Kanyang ministeryo, nanatiling ganap na normal ang Kanyang katawang-tao, na sumasali sa lahat ng ordinaryong aktibidad ng tao; kahit bahagya ay hindi Siya nagmukhang higit-sa-karaniwan, hindi nagpakita ng anumang mahimalang mga tanda. Noon, isa lamang Siyang napaka-karaniwang tao na sumamba sa Diyos, bagama’t ang Kanyang pagsisikap ay mas matapat, mas taos-puso kaysa kaninuman. Ganito Niya naipakita na lubos na normal ang Kanyang pagkatao. Dahil wala Siyang ginawang anumang gawain bago Niya tinanggap ang Kanyang ministeryo, walang sinumang nakabatid sa Kanyang pagkakakilanlan, walang sinumang makapagsabi na ang Kanyang katawang-tao ay naiiba sa lahat ng iba pa, sapagkat hindi Siya gumawa ng kahit isang himala, hindi Siya nagsagawa ng kahit katiting na sariling gawain ng Diyos. Gayunman, matapos Niyang simulang isagawa ang Kanyang ministeryo, pinanatili Niya ang panlabas na katawan ng normal na pagkatao at namuhay pa rin nang may normal na pangangatwiran ng tao, ngunit dahil sa nasimulan na Niyang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, tanggapin ang ministeryo ni Cristo at gawin ang gawaing hindi kaya ng mortal na mga nilalang, mga taong may laman at dugo, inakala ng mga tao na wala Siyang normal na pagkatao at hindi isang ganap na normal na tao, kundi isang di-ganap na tao. Dahil sa gawaing Kanyang isinagawa, sinabi ng mga tao na Siya ay isang Diyos sa katawang-tao na walang normal na pagkatao. Mali ang gayong pagkaunawa, sapagkat hindi maintindihan ng mga tao ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang maling pagkaunawang ito ay umusbong mula sa katotohanan na ang gawaing ipinahayag ng Diyos sa katawang-tao ay ang banal na gawain, na ipinahayag sa isang katawang-tao na nagkaroon ng normal na pagkatao. Ang Diyos ay nakabihis sa katawang-tao, nanahan sa loob ng katawang-tao, at ang Kanyang gawain sa Kanyang pagkatao ay nagpalabo sa normalidad ng Kanyang pagkatao. Dahil dito, naniwala ang mga tao na ang Diyos ay walang pagkatao kundi pagka-Diyos lamang.
Hindi kinumpleto ng Diyos sa una Niyang pagkakatawang-tao ang gawain ng pagkakatawang-tao; tinapos lamang Niya ang unang hakbang ng gawain na kinailangang gawin ng Diyos sa katawang-tao. Kaya, upang matapos ang gawain ng pagkakatawang-tao, minsan pang nagbalik sa katawang-tao ang Diyos, na isinasabuhay ang lahat ng normalidad at realidad ng katawang-tao, ibig sabihin, ipinapakita ang Salita ng Diyos sa isang lubos na normal at ordinaryong katawang-tao, sa gayon ay tinatapos ang gawaing iniwan Niyang hindi tapos sa katawang-tao. Sa totoo lang, ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay katulad ng una, ngunit mas makatotohanan pa ito, mas normal pa kaysa sa una. Dahil dito, ang pagdurusang tinitiis ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay higit kaysa roon sa una, ngunit ang pagdurusang ito ay resulta ng Kanyang ministeryo sa katawang-tao, na iba sa pagdurusa ng taong nagawang tiwali. Nagmumula rin ito sa normalidad at realidad ng Kanyang katawang-tao. Dahil isinasagawa Niya ang Kanyang ministeryo sa lubos na normal at totoong katawang-tao, kailangang magtiis ng matinding hirap ang katawang-tao. Kapag mas normal at totoo ang katawang-tao, mas magdurusa Siya sa pagsasagawa ng Kanyang ministeryo. Ang gawain ng Diyos ay ipinapahayag sa napaka-normal na katawang-tao, na hindi man lamang higit-sa-karaniwan. Dahil normal ang Kanyang katawang-tao at kailangan din nitong balikatin ang gawain ng pagliligtas sa tao, nagdurusa Siya nang mas matindi pa kaysa sa pagdurusa ng higit-sa-karaniwang katawang-tao—at lahat ng pagdurusang ito ay nagmumula sa realidad at normalidad ng Kanyang katawang-tao. Mula sa pagdurusang napagdaanan ng dalawang nagkatawang-taong laman habang isinasagawa ang Kanilang mga ministeryo, makikita ng isang tao ang diwa ng nagkatawang-taong laman. Kapag mas normal ang katawang-tao, mas matinding hirap ang kailangan Niyang tiisin habang ginagawa ang gawain; kapag mas totoo ang katawang-taong gumagawa ng gawain, mas mabagsik ang mga kuru-kuro ng tao, at malamang na mas maraming panganib ang sumapit sa Kanya. Subalit, kapag mas tunay ang katawang-tao, at mas taglay ng katawang-tao ang mga pangangailangan at ganap na pakiramdam ng isang normal na tao, mas may kakayahan Siyang tanggapin ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang katawang-tao ni Jesus ang ipinako sa krus, ang Kanyang katawang-tao ang Kanyang isinuko bilang handog dahil sa kasalanan; tinalo Niya si Satanas sa pamamagitan ng isang katawang-taong may normal na pagkatao at ganap na iniligtas ang tao mula sa krus. At bilang isang ganap na katawang-tao isinasagawa ng Diyos sa Kanyang pangalawang pagkakatawang-tao ang gawain ng panlulupig at tinatalo si Satanas. Ang isang katawang-tao lamang na ganap na normal at totoo ang makapagsasagawa ng gawain ng panlulupig sa kabuuan nito at makapagbibigay ng malakas na patotoo. Ibig sabihin, ang paglupig sa tao ay nagiging epektibo sa pamamagitan ng realidad at normalidad ng Diyos sa katawang-tao, hindi sa pamamagitan ng higit-sa-karaniwang mga himala at paghahayag. Ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-taong ito ay upang magsalita, at sa gayon ay malupig at magawang perpekto ang tao; sa madaling salita, ang gawain ng Espiritu na naging totoo sa katawang-tao, ang tungkulin ng katawang-tao, ay magsalita at sa gayon ay malupig, mabunyag, magawang perpekto, at maalis nang tuluyan ang tao. Kaya nga, sa gawain ng panlulupig maisasakatuparan nang buung-buo ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang paunang gawain ng pagtubos ay simula lamang ng gawain ng pagkakatawang-tao; kukumpletuhin ng katawang-taong nagsasagawa ng gawain ng panlulupig ang buong gawain ng pagkakatawang-tao. Sa kasarian, ang isa ay lalaki at ang isa pa ay babae, kaya nakukumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at naiwawaksi ang mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos: Ang Diyos ay maaaring maging kapwa lalaki at babae, at sa totoo lang, ang Diyos ay walang kasarian. Nilikha Niya kapwa ang lalaki at babae, at para sa Kanya, walang pagkakahati ng kasarian. Sa yugtong ito ng gawain, hindi nagsasagawa ng mga tanda at himala ang Diyos, kaya makakamit ng gawain ang mga resulta nito sa pamamagitan ng mga salita. Bukod pa riyan, ito ay dahil ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagkakataong ito ay hindi upang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi upang lupigin ang tao sa pamamagitan ng pagsasalita, na ibig sabihin ay na ang likas na kakayahang taglay nitong nagkatawang-taong laman ng Diyos ay sumambit ng mga salita at lupigin ang tao, hindi para magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Ang Kanyang gawain sa normal na pagkatao ay hindi upang gumawa ng mga himala, hindi upang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi ang magsalita, kaya ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay mukhang mas normal sa mga tao kaysa sa una. Nakikita ng mga tao na totoo ang pagkakatawang-tao ng Diyos; ngunit iba itong Diyos na nagkatawang-tao kay Jesus na nagkatawang-tao, at kahit pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao, hindi Sila lubos na magkapareho. Si Jesus ay nagtaglay ng normal na pagkatao, ordinaryong pagkatao, ngunit sinamahan Siya ng mga tanda at himala. Sa Diyos na ito na nagkatawang-tao, ang mga mata ng tao ay walang makikitang mga tanda o himala, walang pagpapagaling ng maysakit ni pagpapalayas ng mga demonyo, ni paglakad sa ibabaw ng dagat, ni pag-aayuno sa loob ng apatnapung araw…. Hindi Niya ginagawa ang kaparehong gawaing ginawa ni Jesus, hindi dahil, sa totoo lang, ang Kanyang katawang-tao ay iba kaysa kay Jesus, kundi dahil hindi ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang Kanyang ministeryo. Hindi Niya sinisira ang Kanyang sariling gawain, hindi Niya ginagambala ang Kanyang sariling gawain. Dahil nilulupig Niya ang tao sa pamamagitan ng Kanyang tunay na mga salita, hindi na kailangang supilin siya sa mga himala, kaya nga ang yugtong ito ay upang kumpletuhin ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang Diyos na nagkatawang-tao na nakikita mo ngayon ay ganap na isang katawang-tao, at walang anumang higit-sa-karaniwan tungkol sa Kanya. Siya ay nagkakasakit tulad ng iba, nangangailangan ng pagkain at damit tulad ng iba; Siya ay ganap na isang katawang-tao. Kung, sa pagkakataong ito, nagsagawa ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga tanda at himalang higit-sa-karaniwan, kung nagpagaling Siya ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, o maaaring pumatay sa isang salita, paano matutupad ang gawain ng panlulupig? Paano mapapalaganap ang gawain sa mga bansang Hentil? Ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, iyon ang unang hakbang sa gawain ng pagtubos, at ngayong nailigtas na ng Diyos ang tao mula sa krus, hindi na Niya isinasagawa ang gawaing iyon. Kung, sa mga huling araw, nagpakita ang isang “Diyos” na kapareho ni Jesus, na nagpagaling ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, at ipinako sa krus para sa tao, ang “Diyos” na iyon, bagama’t kamukha ng inilarawang Diyos sa Bibliya at madaling tanggapin ng tao, sa kakanyahan nito, ay hindi magiging katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos, kundi ng isang masamang espiritu. Sapagkat prinsipyo ng gawain ng Diyos na hindi kailanman ulitin ang natapos na Niya. Kaya nga, ang gawain ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay iba sa gawain noong una. Sa mga huling araw, naunawaan ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa isang ordinaryo at normal na katawang-tao; hindi Niya pinagagaling ang maysakit, hindi Siya ipapako sa krus para sa tao, kundi nagsasalita lamang ng mga salita sa katawang-tao, at nilulupig ang tao sa katawang-tao. Ang gayong katawang-tao lamang ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong katawang-tao lamang ang maaaring tumapos sa gawain ng Diyos sa katawang-tao.
Kung sa yugtong ito ay nagtitiis ng hirap o nagsasagawa ng Kanyang ministeryo ang Diyos na nagkatawang-tao, ginagawa Niya ito upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao, sapagkat ito ang huling pagkakatawang-tao ng Diyos. Dalawang beses lamang maaaring magkatawang-tao ang Diyos. Hindi maaaring magkaroon ng pangatlo. Ang unang pagkakatawang-tao ay lalaki, ang pangalawa ay babae, kaya nga ang larawan ng katawang-tao ng Diyos ay kinukumpleto sa isipan ng tao; bukod doon, natapos na ng dalawang pagkakatawang-tao ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang unang pagkakataon, nagtaglay ang Diyos na nagkatawang-tao ng normal na pagkatao upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Sa pagkakataong ito ay nagtataglay rin Siya ng normal na pagkatao, ngunit iba ang kahulugan ng pagkakatawang-taong ito: Ito ay mas malalim, at ang Kanyang gawain ay may mas malalim na kabuluhan. Minsan pang naging tao ang Diyos upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Kapag lubos na nawakasan ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, ang buong kahulugan ng pagkakatawang-tao, ibig sabihin, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, ay makukumpleto, at wala nang gawaing gagawin sa katawang-tao. Ibig sabihin, mula ngayon ay hindi na muling magkakatawang-tao ang Diyos kailanman upang gawin ang Kanyang gawain. Ginagawa lamang ng Diyos ang gawain ng pagkakatawang-tao upang iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan. Sa madaling salita, hindi karaniwan para sa Diyos ang pagkakatawang-tao, maliban kung para sa kapakanan ng gawain. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao upang gumawa, ipinapakita Niya kay Satanas na ang Diyos ay isang tao, isang normal na tao, isang ordinaryong tao—subalit maaaring maghari Siya nang matagumpay sa buong mundo, talunin Niya si Satanas, tubusin ang sangkatauhan, lupigin ang sangkatauhan! Binibitag ni Satanas ang tao sa walang-hanggang kalaliman, samantalang sinasagip siya ng Diyos mula rito. Ginagawa ni Satanas na sambahin ito ng lahat ng tao, samantalang isinasailalim sila ng Diyos sa Kanyang kapamahalaan, sapagkat Siya ang Diyos ng paglikha. Lahat ng gawaing ito ay nagagawa sa pamamagitan ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Sa totoo lang, ang Kanyang katawang-tao ay ang pagsasama ng pagkatao at pagka-Diyos, at nagtataglay ng normal na pagkatao. Kaya kung wala ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, hindi maaaring makamit ng Diyos ang mga resulta ng pagliligtas sa sangkatauhan, at kung walang normal na pagkatao ang Kanyang katawang-tao, hindi pa rin maaaring makamit ng Kanyang gawain sa katawang-tao ang mga resulta. Ang diwa ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na kailangan Siyang magtaglay ng normal na pagkatao; sapagkat kung hindi ay sasalungat ito sa orihinal na pakay ng Diyos sa pagkakatawang-tao.
Bakit Ko sinasabi na hindi nakumpleto ang kahulugan ng pagkakatawang-tao sa gawain ni Jesus? Dahil ang Salita ay hindi lubos na naging tao. Ang ginawa ni Jesus ay isang bahagi lamang ng gawain ng Diyos sa katawang-tao; ginawa lamang Niya ang gawain ng pagtubos, at hindi Niya ginawa ang gawaing lubos na maangkin ang tao. Dahil dito, minsan pang naging tao ang Diyos sa mga huling araw. Ang yugtong ito ng gawain ay ginagawa rin sa isang ordinaryong katawan; isinasagawa ito ng isang lubos na normal na tao, isang tao na ang pagkatao ay hindi nangingibabaw ni katiting. Sa madaling salita, ang Diyos ay naging isang ganap na tao; Siya ay isang taong ang pagkakakilanlan ay sa Diyos, isang ganap na tao, isang ganap na katawang-tao, na nagsasagawa ng gawain. Nakikita ng mga mata ng tao ang isang katawang may laman na hindi man lamang nangingibabaw sa lahat, isang lubhang ordinaryong taong nakapagsasalita ng wika ng langit, na hindi nagpapakita ng mahimalang mga tanda, hindi gumagawa ng mga himala, lalo nang hindi naglalantad ng nakapaloob na katotohanan tungkol sa relihiyon sa malalaking bulwagan ng pagpupulong. Para sa mga tao, ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay tila lubos na hindi kagaya ng sa una, kaya tila walang anumang pagkakatulad ang dalawa, at walang anumang nasa gawain sa una ang makikita sa pagkakataong ito. Bagama’t ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay iba kaysa sa una, hindi niyan pinatutunayan na ang pinagmulan Nila ay magkaiba. Pareho man ang Kanilang pinagmulan ay depende sa likas na katangian ng gawaing ginawa ng mga taong ito, at hindi sa Kanilang panlabas na katawan. Sa tatlong yugto ng Kanyang gawain, dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos, at ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa dalawang kapanahunang ito ay nagpasimula ng isang bagong kapanahunan, nagpahayag ng isang bagong gawain; pinupunan ng mga pagkakatawang-tao ang isa’t isa. Imposibleng masabi ng mga mata ng tao na ang dalawang katawang-tao ay talagang iisa ang pinagmulan. Malinaw na hindi ito maabot ng kakayahan ng mata ng tao o ng isipan ng tao. Ngunit sa Kanilang diwa, Sila ay iisa, sapagkat ang Kanilang gawain ay mula sa iisang Espiritu. Nagmumula man ang dalawang nagkatawang-taong laman sa iisang pinagmulan ay hindi masasabi ng kapanahunan at ng lugar kung saan Sila isinilang, o ng iba pang gayong mga sitwasyon, kundi sa pamamagitan ng banal na gawaing Kanilang ipinahayag. Ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay hindi nagsasagawa ng anuman sa gawaing ginawa ni Jesus, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa nakasanayan, kundi nagbubukas ng isang bagong daan sa bawat pagkakataon. Ang pangalawang pagkakatawang-tao ay hindi nilayong palalimin o patatagin ang impresyon sa isipan ng mga tao tungkol sa unang katawang-tao, kundi upang punan at gawin itong perpekto, palalimin ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos, suwayin ang lahat ng panuntunang umiiral sa puso ng mga tao, at palisin ang mga maling larawan ng Diyos sa kanilang puso. Masasabi na walang indibiduwal na yugto ng sariling gawain ng Diyos ang makapagbibigay sa tao ng lubos na kaalaman tungkol sa Kanya; bawat isa ay nagbibigay lamang ng isang bahagi, hindi ng kabuuan. Bagama’t ipinahayag na ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon, dahil sa limitadong kakayahan ng tao na umunawa, hindi pa rin kumpleto ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Imposible, gamit ang wika ng tao, na ihatid ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos; bukod pa riyan, paano lubos na maipapahayag ang Diyos sa iisang yugto ng Kanyang gawain? Siya ay gumagawa sa katawang-tao sa ilalim ng takip ng Kanyang normal na pagkatao, at makikilala lamang Siya ng isang tao sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang panlabas na katawan. Nagkakatawang-tao ang Diyos para tulutan ang tao na makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang iba’t ibang gawain, at walang dalawang yugto ng Kanyang gawain ang magkapareho. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ang tao ng lubos na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, nang hindi nakatuon sa iisang aspeto. Bagama’t magkaiba ang gawain ng dalawang nagkatawang-taong laman, ang diwa ng mga katawang-tao, at ang pinagmulan ng Kanilang gawain, ay magkapareho; kaya lamang ay umiiral Sila para isagawa ang dalawang magkaibang yugto ng gawain, at lumitaw sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ano’t anuman, iisa ang diwa at pinagmulan ng mga nagkatawang-taong laman ng Diyos—ito ay isang katotohanan na walang sinumang makapagkakaila.