Bakit Ba Ako Laging Masyadong Maingat sa Aking Tungkulin?

Enero 25, 2023

Ni Han Xi, Tsina

Noong Marso 2021, nagtatrabaho ako sa iglesia bilang graphic designer. Dahil mayabang ako sa tungkulin ko at mahirap akong makatrabaho, nagambala ko ang gawain, at natanggal ako. Pagkalipas ng dalawang buwan, isinaayos ng isang superbisor na magpatuloy akong gumawa ng mga larawan. Labis akong naantig, at kasabay nun, medyo hindi rin ako mapalagay. Pagkabalik ko, kung makakagambalang muli ang mayabang kong disposisyon, hindi ba ako tuluyang mabubunyag at mapapalayas? Kung mangyari ‘yon, hindi ba’t katapusan ko na? Kaya sinabi ko sa sarili ko: “Pagbalik ko, kailangan kong mag-ingat sa kung paano ko tratuhin ang lahat ng bagay. Hindi ko pwedeng gawing muli ang mga bagay-bagay base sa mayabang kong disposisyon.”

Nung kasisimula ko pa lang, nakita ng mga sister na may karanasan ako sa graphics, at madalas nila akong puntahan kapag may mga problema sila, at ginagawa ko ang makakaya ko para magbigay ng mga solusyon. Pero kapag masyadong marami ang sinasabi ko, bigla kong naiisip na: “Sa sobrang dami ng sinabi ko, nagpapakitang-gilas ba ako? Paano kung may masabi akong mali? Minsang sinabi sa akin ng isang sister na nung isa akong lider ng grupo, umasa ako sa aking malawak na karanasan, at madalas kong ginabayan ang gawain ng ibang tao batay sa aking karanasan sa halip na maghanap ng mga prinsipyo. Dahil do’n, ibinalik at ipinaulit ang ilang larawan, na nakaantala sa pag-usad. Sa pagkakataong ito, kung maililigaw ko ang isang sister at magagambala ang gawain, at kapag nalaman ng superbisor, tatanggalin ba niya ako? ‘Di bale na. Hindi na lang ako masyadong magsasalita para maiwasang magsabi ng mali, at managot.” Minsan, tinatalakay namin ang konsepto ng disenyo para sa isang larawan. Matapos itong tingnan, pakiramdam ko’y walang katuturan ang konsepto ng komposisyon. Pero nag-alinlangan ako, at naisip na: “Kung may mga problema ang konsepto, malaking isyu ‘yon, at kailangan na muling idisenyo at ayusin ang buong larawan. Dapat ba akong magsalita? Kung wala akong sasabihin, at may totoong problema, kakailanganing ulitin ‘yung larawan kalaunan. Pero napag-usapan na namin ang larawang ito sa loob ng dalawang araw. Kung sasabihin kong may problema ngayon, ano ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Sasabihin ba nila na nagpapapansin lang ako at nanggugulo? Paano kung mali ang ideya ko? Hindi ba’t maaantala nun ang pag-usad ng gawain? Kapag nalaman ng superbisor, sasabihin ba niyang hindi pa ako nagsisisi?” Nung oras na ‘yon, nag-alinlangan ako, at hindi nangahas na magsalita. Pagkalipas ng ilang araw, natapos namin ang pagdidisenyo ng drawing proposal, pero nang makita ito ng superbisor, sabi niya may problema raw sa konsepto, kaya kailangan itong idisenyo ulit. Nang makita ko ang resultang ‘yon, bumilis ang tibok ng puso ko at naisip ko, “Kung binanggit ko ang isyung ito nung oras na ‘yon, nakapagbahaginan sana ang lahat at nalutas ito, at hindi na namin kailangang mag-aksaya ng oras.” Napuno ako ng pagsisisi, pero naisip ko: “Hindi naman ako lubos na nakakasiguro na tama ang ideya ko noon, hindi naman siguro ganun kasama na hindi ako nagsalita?” Kaya iyon lang. Hindi ko na inisip o pinagnilayan ito at pinabayaan ko na lang.

Kalaunan, sa tuwing tinatalakay ng grupo ang mga problema at sinasabihan kaming magpahayag ng mga pananaw, nagiging napakaingat ko, at natatakot ako na hindi pareho ang pananaw ko sa pananaw ng lahat ng iba, at mapagkamalan akong mayabang at ayaw tumanggap ng mga ideya ng ibang tao. Kaya’t sa tuwing magmumungkahi ako, idinaragdag ko: “Personal ko lang na pananaw ‘yon, baka mali ako. Kailangan niyo rin itong tingnan nang kayo mismo.” Kung minsan, nagmumungkahi ang mga sister tungkol sa mga larawan na idinidisenyo ko, at malinaw kong alam na hindi naaayon sa mga prinsipyo ang ilang mungkahi. Pero nag-aalala ako na kapag hindi ko tatanggapin ang mga mungkahi nila, sasabihin nilang mayabang ako o kumakapit sa sarili kong opinyon. Kaya mabigat sa loob kong tinatanggap ang mga mungkahi nila, iniisip na kung may pagkakamali, hindi ako ang mananagot. Dahil dito, pagkatapos gumawa ng mga pagbabago, talagang hindi nga angkop ang ilang mungkahi at kailangang ulitin ang mga larawan, na nakakaantala sa pag-usad. Iyon ang nangyari. Kaya araw-araw ay umuurong ako habang ginagawa ang aking tungkulin, at nakakaramdam ako ng sobrang pisikal at emosyonal na pagod. Pero upang makita ng superbisor at mga sister na nagbago na ako, naisip ko pa rin na mas mabuti nang mag-ingat ako. Kaya pagkatapos nun, lagi kong ginagawa ang tungkulin ko sa gano’ng paraan. Pero laging nagkakaproblema ang mga graphic image ng grupo, at kailangan naming ulitin nang ulitin ang mga ito. Malinaw na bumaba ang pagiging epektibo ng gawain namin bago napagtanto sa wakas ng manhid kong puso na baka hindi tama ang kalagayan ko, at kailangan kong magnilay-nilay. Kaya’t nanalangin ako sa Diyos, at hiniling sa Kanya na bigyang-liwanag ako para maunawaan ko ang sarili kong mga problema.

Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, at medyo naunawaan ang aking kalagayan, Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Bilang mga lider at manggagawa, kapag nagkakaroon ng mga problema habang ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, malamang na balewalain ninyo ang mga iyon, at maaari pa nga kayong maghanap ng iba’t ibang idadahilan at ikakatwiran para makaiwas sa responsibilidad. May ilang problema na kaya ninyong lutasin, pero hindi ninyo nilulutas, at ang mga problemang hindi ninyo kayang lutasin ay hindi ninyo iniuulat sa mga nakatataas sa inyo, na para bang walang kinalaman ang mga ito sa inyo. Hindi ba pagpapabaya ito sa inyong tungkulin? Katalinuhan ba ang tratuhin nang gayon ang gawain ng iglesia, o kahangalan? (Kahangalan.) Hindi ba mga ahas ang gayong mga lider at manggagawa? Hindi ba walang-wala silang anumang pagpapahalaga sa responsibilidad? Kapag binabalewala nila ang mga problemang nasa harapan nila, hindi ba ipinapakita nito na sila ay mga walang puso at taksil? Ang mga taong taksil ang pinakahangal na mga tao sa lahat. Dapat isa kang taong matapat, dapat magkaroon ka ng pagpapahalaga sa responsibilidad kapag humaharap ka sa mga problema, at dapat makahanap ka ng mga paraan para hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema. Huwag kang maging isang taong taksil. Kung iniiwasan mo ang responsibilidad at naghuhugas-kamay rito kapag lumilitaw ang mga problema, kahit ang mga hindi mananampalataya ay kokondenahin ka. Iniisip mo bang hindi ito gagawin ng sambahayan ng Diyos? Kinamumuhian at tinatanggihan ng mga hinirang ng Diyos ang gayong pag-uugali. Mahal ng Diyos ang mga taong matapat, pero kinapopootan naman ang mga taong mapanlinlang at madaya. Kung isa kang tusong tao at nagtatangkang manloko, hindi ba mapopoot ang Diyos sa iyo? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, papapanagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya ng mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang malito at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring unawain, pero ang talagang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan ay pagiging sutil(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Ibinunyag ng salita ng Diyos na ang mga iresponsable sa kanilang gawain at naghuhugas-kamay sa kanilang responsibilidad kapag nagkakaproblema, ay talagang madadaya. Sa pagninilay-nilay sa salita ng Diyos, nakita ko na ganoon din ang kalagayan ko. Iresponsable ako at hindi tapat sa aking tungkulin, at sa tuwing ang isang problema ay nangangailangan ng pag-ako ng responsibilidad, o may kinalaman ito sa aking mga inaasam at huling hantungan, umuurong ako, at gumagamit ng mga mapandayang pamamaraan. Kapag nakakakita ako ng mga problema, wala akong sinasabi, o kaya’y nagdadahilan ako, o nagsasabi ng di-tiyak na bagay. Pagkatapos makabalik para gumawa ng mga graphics, natakot akong sasabihin ng mga kapatid na hindi pa nagbago ang mayabang kong disposisyon. Natakot ako na magdudulot muli ng mga pagkagambala ang aking tiwaling disposisyon, at na matatanggal ako. Kaya naging napakaingat ko sa lahat ng ginagawa at sinasabi ko, at laging nagpapanggap. Kapag tinatanong ako ng mga sister, natatakot akong magsabi ng mali at managot, kaya pinipili kong magdahilan para iwasan sila. Sa tuwing nagtatalakay ng mga problema ang grupo, at lumilitaw ang mga pagkakaiba, kadalasan akong nananatiling tahimik, at sumasabay lang sa agos. Kitang-kita ko na may mga problema, pero dahil natatakot ako na sabihin ng mga tao na mayabang ako at sinusubukang magpapansin, mas ginugusto kong ulitin ang gawain dahil may mga problema rito kaysa ipahayag ko ang aking mga pananaw. Wala man lang akong lakas ng loob na talakayin ang mga bagay-bagay sa lahat. Napakamakasarili ko. Nang magbigay ang mga sister ng mga mungkahi sa mga larawang ginagawa ko, alam kong hindi naaayon sa mga prinsipyo ang ilang suhestiyon, pero natakot ako na sasabihin ng iba na mayabang ako, kaya nagkunwari na lang akong sumasang-ayon at palagi kong tinanggap ang mungkahi. Wala man lang akong pakialam sa mga pagkakamali at pag-uulit ng gawain, basta hindi ako ang mananagot. Anuman ang gawin ko, isinaalang-alang ko lang ang sarili kong mga interes, at natakot akong umako ng anumang responsibilidad. Napakamapanlinlang ko! Tinitingnan ng Diyos ang puso ng mga tao, at dahil napakamakasarili ko, mapanlinlang, at iresponsable sa aking tungkulin, paano ko makakamit ang kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu? Hindi nakapagtataka na bumaba nang bumaba ang pagiging epektibo ko sa aking tungkulin. Iyon ang pagbubunyag sa akin ng Diyos.

Nung panahong ‘yon, naalala ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung minamahal ng mga tao ang katotohanan, magkakaroon sila ng lakas na hangarin ang katotohanan, at makakapagsumikap na isagawa ang katotohanan. Matatalikuran nila ang dapat na talikuran, at mabibitiwan ang dapat na bitiwan. Sa partikular, ang mga bagay na may kinalaman sa iyong sariling kasikatan, pakinabang, at katayuan ay dapat na bitiwan. Kung hindi mo bibitiwan ang mga ito, nangangahulugan ito na hindi mo minamahal ang katotohanan at wala kang lakas para hangarin ang katotohanan. Kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong hanapin ang katotohanan. Kung, sa mga oras na iyon na kailangan mong isagawa ang katotohanan, lagi kang may makasariling puso at hindi mo mabitiwan ang iyong pansariling interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Kung hindi mo kailanman hinahanap o isinasagawa ang katotohanan sa anumang sitwasyon, hindi ka isang tao na nagmamahal sa katotohanan. Kahit gaano karaming taon ka nang nananalig sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan. Ang ilang tao ay palaging hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at pansariling interes. Anumang gawain ang isinasaayos ng iglesia sa kanila, lagi silang nag-iisip nang mabuti, ‘Makikinabang ba ako rito? Kung oo, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin.’ Ang ganitong tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan—kaya magagampanan ba nila nang maayos ang tungkulin nila? Hinding-hindi. Kahit na hindi ka gumagawa ng masama, hindi ka pa rin isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi minamahal ang mga positibong bagay, at anumang mangyari sa iyo, pinapahalagahan mo lang ang sarili mong reputasyon at katayuan, ang iyong pansariling interes, at kung ano ang nakabubuti para sa iyo, kung gayon ay isa kang tao na pansariling interes lang ang motibasyon, at ikaw ay makasarili at walang dangal. Ang ganitong tao ay nananalig sa Diyos para makapagkamit ng isang bagay na maganda o kapaki-pakinabang sa kanya, hindi para matamo ang katotohanan o ang pagliligtas ng Diyos. Samakatuwid, ang ganitong mga tao ay mga walang pananampalataya. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga kayang hanapin at isagawa ang katotohanan, dahil nakikilala nila sa kanilang mga puso na si Cristo ang katotohanan, at na dapat silang makinig sa mga salita ng Diyos at manalig sa Diyos gaya ng Kanyang hinihingi. Kung nais mong isagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, pero iniisip mo ang sarili mong reputasyon, katayuan, at karangalan, magiging mahirap na isagawa ito. Sa ganitong sitwasyon, sa pamamagitan ng pagdarasal, paghahanap, at pagninilay-nilay sa kanilang mga sarili at pagkakaroon ng kamalayan sa sarili, ang mga nagmamahal sa katotohanan ay mabibitiwan ang kanilang mga pansariling interes o nakabubuti para sa kanila, maisasagawa ang katotohanan, at masusunod ang Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tunay na nananalig sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. At ano ang kinahihinatnan kapag laging iniisip ng mga tao ang sarili nilang interes, kapag lagi nilang sinusubukang protektahan ang kanilang sariling karangalan at banidad, kapag nagpapakita sila ng isang tiwaling disposisyon pero hindi naman nila hinahanap ang katotohanan para ayusin ito? Ito ay na wala silang pagpasok sa buhay, na wala silang mga tunay na karanasan at patotoo. At delikado ito, hindi ba? Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung wala kang anumang karanasan at patotoo, pagdating ng panahon ay malalantad ka at palalayasin. Ano ang silbi ng mga taong walang mga karanasan at patotoo sa sambahayan ng Diyos? Tiyak na hindi nila magagawa nang maayos ang anumang tungkulin; wala silang anumang kayang gawin nang maayos. Hindi ba’t basura lang sila? Kung hindi kailanman isinasagawa ng mga tao ang katotohanan matapos ang maraming taong pananalig sa Diyos, isa sila sa mga walang pananampalataya, sila ay masasama. Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung lalo pang dumarami ang mga paglabag mo, nakatakda na ang katapusan mo. Makikita nang malinaw na ang lahat ng iyong paglabag, ang maling landas na tinatahak mo, at ang pagtanggi mong magsisi—ang lahat ng ito ay nagsasama-sama at nagiging sangkaterbang masasamang gawa; kaya naman ang katapusan mo ay na mapupunta ka sa impiyerno, at mapaparusahan ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakamahalaga sa Pananalig sa Diyos ay ang Pagsasagawa ng Katotohanan). Matapos kong basahin ang salita ng Diyos, labis akong naantig. Noon, akala ko hindi malaking bagay ang hindi pagpapahayag ng aking mga pananaw at pagsabay na lang sa agos. Pero pagkatapos basahin ang salita ng Diyos, naunawaan ko na talagang masama ang pag-iisip lang sa sarili at palaging pagkakaroon ng mga makasariling motibo kapag nagkakaproblema, palaging pagpoprotekta sa sarili kapag nagkakasalungat ang mga interes mo at ang mga interes ng iglesia, at pagpiling magdusa ang gawain kaysa isagawa ang katotohanan! Naisip ko ang lahat ng oras at pagsisikap na ginugol sa bawat larawan, mula sa pagdisenyo hanggang sa pagguhit, pero nang makakita ako ng mga problema, wala akong sinabi, na humantong sa pag-ulit ng gawain at lubhang pagkaantala sa pag-usad. Hindi ba’t nakakagambala ‘yon? Naiipon na ang masasama kong gawa, at kung hindi ako magsisisi, masisira ako. Nang maunawaan ko ‘yon, natakot ako, at natanto ko na kapag nahaharap sa mga isyu, napakahalagang talikdan ang sarili at isagawa ang katotohanan!

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Kung sasabihin mong, ‘Ang mga anticristo ay iisa lang ang layunin at matitigas ang ulo. Natatakot ako na maging isang anticristo at ayaw kong sundan ang landas ng isang anticristo. Kaya maghihintay ako hanggang ang lahat ay nakapagpahayag na ng kanilang mga opinyon, pagkatapos ay ibubuod ko ito, maghahanap ng paraan para makabuo ng isang konklusyon na pumapagitna.’ Tama ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Kung ang resulta ay hindi umaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, kahit na gawin mo ito, magiging epektibo ba ito? Masisiyahan ba ang Diyos dito? Kung hindi ito epektibo at hindi nasisiyahan ang Diyos, magiging malubha ang problema. Kung hindi mo ginagawa ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, kung ikaw ay padaskol-daskol at iresponsable sa iyong tungkulin, at ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi ka nagiging tapat sa Diyos, at dinadaya mo ang Diyos! Ni hindi mo nagagawang tuparin ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin upang maiwasan na paghinalaan at ituring ka ng mga tao na isang anticristo; ginagamit mo ang satanikong pilosopiya na ‘pumagitna sa mga usapin.’ Bilang resulta, napinsala mo ang mga hinirang na tao ng Diyos at naapektuhan ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t wala itong prinsipyo? Hindi ba ito makasarili at walang dangal? Isa kang lider at manggagawa; dapat maprinsipyo ka sa ginagawa mo. Epektibo at mahusay dapat ang lahat ng ginagawa mo. Gawin ang kung anumang kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos, at gawin ang anumang naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na ayaw Niya na patuloy tayong nagiging pasibo at mapagbantay dahil natatakot tayong malantad at mapalayas. Sa halip, gusto Niya tayong maging responsable sa ating mga tungkulin at hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan sa lahat ng ating ginagawa. Ang pagkilos nang ganito ay nakakabuti sa gawain ng iglesia, at ang tanging paraan para magampanan ang responsibilidad ng isang tao. Pero ako, nang bumalik ako sa trabaho bilang taga-disenyo, taimtim akong nangako na gagawin ko nang maayos ang tungkulin ko, pero nung oras na para umako ng responsibilidad, sobra-sobra akong nag-iingat. Para hindi ako tawagin ng iba na mayabang at palalo, wala akong sinasabi kapag nakakakita ako ng mga problema, at hindi ko man lang tinupad ang sarili kong mga responsibilidad, na nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Hindi ba’t sinusubukan kong lokohin at linlangin ang Diyos? Naunawaan ko rin na normal na magkaroon ng magkakaibang pananaw kapag may mga isyu, at na hangga’t ang layunin ko ay ang isaalang-alang kung ano ang pinakamainam para sa gawain ng iglesia, hanapin ang katotohanan, at gawin ang aking tungkulin ayon sa mga prinsipyo, kailangan kong banggitin ang mga pananaw ko para matalakay. Iyon ay pagiging seryoso at responsable sa tungkulin, hindi pagpapapansin o paggambala. Kahit pa may magawa talaga akong mali dahil sa mayabang kong disposisyon, hangga’t meron akong lakas ng loob na aminin ito, tanggapin ang pagbabahagi at pagtutuwid ng iba, at magbago, hindi ako tatanggalin o ititiwalag ng iglesia batay sa isang pansamantalang pagpapahayag ng katiwalian. Pagkatapos kong maunawaan ang mga ito, kapag nakakatuklas ako ng mga bagay na lumalabag sa mga prinsipyo habang ginagawa ko ang aking tungkulin, sadya kong binabanggit at tinatalakay ang mga ito sa lahat. Sa pagsasagawa sa ganoong paraan, paunti nang paunti ang mga paglihis sa gawain. Minsan, tinatalakay namin ang isang konsepto ng disenyo ng larawan, at natuklasan ko na hindi magkatugma ang pinagmulang materyal at ang tema, at hindi gaanong malinaw ang tema. Naisip ko, “Maaaring seryosong problema ito, at kung ganun nga, hindi magiging epektibo ang buong design proposal ng larawan.” Napuno ako ng pag-aalinlangan, “Anong iisipin ng mga sister kung may masabi akong mali? ‘Di bale na, ayokong magbakasakali.” Pero nag-alala rin ako, “Kung talagang may problemang may kinalaman sa prinsipyo, kakailanganin naming gumugol ng oras sa pagbabago nito. Hindi ba’t maaantala nun ang gawain?” Nang maisip ko ito, inilahad ko ang pananaw ko. Pagkatapos ng kaunting talakayan, sumang-ayon ang mga sister sa aking pananaw. Tapos pinadalhan namin ng mga suhestiyon ang superbisor tungkol sa pagbabago ng larawan. Matapos makita ang aming mga mungkahi, sinabi ng superbisor na magagamit pa rin ang orihinal na pangkalahatang konsepto ng disenyo, at kailangan lang ng kaunting pag-aayos sa mga pinagmumulang materyal. Nang marinig ko ‘yon, bumilis ang tibok ng puso ko: “Problema na naman ba ang pananaw ko? Anong iisipin sa akin ng superbisor? Sasabihin ba niya na kahit na natanggal na ako, mayabang pa rin ako at mapagmagaling, at hindi pa nagbabago?” Tahimik akong nagdasal sa Diyos, sinasabing handa akong harapin ang mga problema ko nang matapat. Kaya nagkusa akong makipag-usap sa superbisor at magtapat tungkol sa mga ideya ko, at maghanap ng mga prinsipyo tungkol sa mga isyung ito. Binigyan kami ng superbisor ng detalyadong pagbabahagi. Matapos marinig ‘yon, lumiwanag ang puso ko at naunawaan ko ang mga paglihis ko. Nakita ko na hindi ako iwinasto ng superbisor. Sa halip, matiyaga siyang nagbahagi sa amin. Medyo nalungkot ako: Palagi akong nag-iingat sa mga kapatid, at naging mapagbantay sa sambahayan ng Diyos, sa takot na matanggal at mapalayas dahil sa pagbubunyag ng katiwalian, samantalang ang totoo, tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa prinsipyo ng katotohanan, at hindi iwinawasto o tinatanggal ang mga tao sa sandaling magkamali sila. Kung nagdudulot ka ng mga paglihis sa gawain dahil lang sa hindi mo naiintindihan ang mga prinsipyo, at pagkatapos ng pagbabahagi ay kaya mong aminin at itama ang iyong pagkakamali, hindi ka matatanggal o mapapalayas. Kung mayabang ka at mapagmagaling, iginigiit ang sarili mong pananaw para protektahan ang iyong reputasyon at katayuan, hindi naghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan, at pinipinsala ang gawain, saka ka lang tatabasan at iwawasto. At kung malubha ang sitwasyong iyon, matatanggal ka at mapapalayas. Ginunita ko nung natanggal ako. Umasa ako sa katunayang matagal akong nagtrabaho sa graphics at marami akong karanasan. Kapag tinatalakay ang mga problema sa iba, mayabang ako, at mapagmatigas na kumakapit sa sarili kong mga opinyon. Hindi ko tinanggap ang naiibang mga opinyon at hindi rin ako naghanap. Dahil dun, ibinalik ang ilang larawan at ipinaulit, o ibinasura pa nga. Pero kapag nahaharap sa kabiguan at pagkalantad, hindi ko hinahanap ang katotohanan para lutasin ang aking tiwaling disposisyon. Sa halip, laging mali ang pagkaunawa ko at lagi akong nakabantay. Hindi ko inasikaso ang mga tungkulin ko o hinangad ang katotohanan! Kalaunan, naisip ko rin ang tungkol sa kung paano ko dapat lutasin ang pagiging sobrang maingat, maling pagkakaunawa, at pagiging mapagbantay. Nabasa ko ang salita ng Diyos. “Sinusunod ng ilang tao ang sarili nilang kagustuhan kapag kumikilos sila. Nilalabag nila ang mga prinsipyo, at pagkatapos matabasan at maiwasto, sa salita lamang nila inaamin na sila ay mayabang, at na nakagawa sila ng pagkakamali dahil lamang sa wala sa kanila ang katotohanan. Pero sa kanilang puso, nagrereklamo pa rin sila na, ‘Walang ibang nangangahas na magsalita o kumilos, ako lamang—at sa huli, kapag may nangyaring mali, ipinapasa nila sa akin ang lahat ng responsibilidad. Hindi ba’t ang hangal ko naman? Hindi ko na pwedeng ulitin iyon sa susunod, na mangahas na magsalita o kumilos nang ganoon. Napupukpok ang mga pakong nakausli!’ Ano ang tingin mo sa ganitong saloobin? Saloobin ba ito ng pagsisisi? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t naging madaya at mapanlinlang na sila? Sa kanilang mga puso, iniisip nila na, ‘Mapalad ako na sa pagkakataong ito ay hindi ito humantong sa isang sakuna. Isang pagkahulog sa bitag, isang dagdag-katalinuhan, sabi nga. Kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap.’ Hindi nila hinahanap ang katotohanan, gamit ang kanilang walang-kuwenta at tusong mga pakana sa pag-aasikaso at pagharap sa usapin. Kaya ba nilang tamuhin ang katotohanan sa ganitong paraan? Hindi nila kaya, dahil hindi sila nagsisi. Ang unang dapat gawin kapag nagsisisi ay ang kilalanin kung ano ang nagawa mong mali: makita kung saan ka nagkamali, ang diwa ng problema, at ang disposisyon na nalantad mo; dapat mong pagnilayan ang mga bagay na ito at tanggapin ang katotohanan, pagkatapos ay magsagawa ayon sa katotohanan. Ito lamang ang saloobin ng pagsisisi. Sa kabilang banda, kung lubos kang nag-iisip ng mga tusong paraan, nagiging mas madaya kaysa dati, nagiging mas mautak at mas tago ang mga diskarte mo, at nagkakaroon ka ng mas maraming pamamaraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, kung gayon, ang problema ay hindi kasingsimple ng pagiging mapanlinlang lang. Gumagamit ka ng pailalim na kaparaanan at mayroon kang mga lihim na hindi mo maisiwalat. Masama ito. Hindi ka lamang hindi nagsisi, kundi naging mas madaya at mapanlinlang ka pa. Nakikita ng Diyos na masyado kang mapagmatigas at masama, isang taong sa panlabas ay umaamin na nagkamali siya, at tinatanggap ang pagwawasto at pagpupungos, ngunit sa totoo lang ay walang saloobing nagsisisi kahit katiting. Bakit natin sinasabi ito? Dahil habang ang kaganapang ito ay nangyayari o nang matapos na ito, hindi mo hinanap ang katotohanan, at hindi ka nagsagawa ayon sa katotohanan. Ang iyong saloobin ay gamitin ang mga pilosopiya, lohika, at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang problema. Sa totoo lang, iniiwasan mo ang problema, at binabalot ito sa isang malinis na pakete para walang makitang bakas nito ang ibang tao, wala kang hinahayaang makalusot. Sa huli, pakiramdam mo ay medyo matalino ka. Ito ang mga bagay na nakikita ng Diyos, sa halip na ang tunay mong pagninilay-nilay, pagtatapat, at pagsisisi sa iyong kasalanan sa harap ng usaping sumapit sa iyo, at pagkatapos ay patuloy kang naghahanap sa katotohanan at nagsasagawa ayon sa katotohanan. Ang saloobin mo ay hindi saloobin na hanapin ang katotohanan o isagawa ang katotohanan, ni hindi ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga plano ng Diyos, kundi ang saloobin na gumagamit ng mga diskarte at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang iyong problema. Binibigyan mo ng maling impresyon ang iba at ayaw mong mailantad ka ng Diyos, at ipinagtatanggol mo ang sarili mo at nakikipagtalo hinggil sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo. Ang iyong puso ay mas sarado kaysa dati at nakahiwalay sa Diyos. Kung gayon, maaari bang may anumang magandang resulta na magmula rito? Maaari ka pa rin bang mamuhay sa liwanag, nang tinatamasa ang kapayapaan at kagalakan? Hindi na maaari. Kung lalayuan mo ang katotohanan at ang Diyos, tiyak na mahuhulog ka sa kadiliman, tatangis, at magngangalit ng iyong mga ngipin. Laganap ba ang gayong kalagayan sa mga tao? (Oo.) Madalas na pinapaalalahanan ng ilang tao ang kanilang mga sarili, sinasabing, ‘Naiwasto ako sa pagkakataong ito. Sa susunod, kailangan kong maging mas matalino at mas maingat. Pagiging matalino ang pundasyon ng buhay—at ang mga taong hindi matalino ay mga tanga.’ Kung ganito mo palaging ginagabayan at pinapaalalahanan ang iyong sarili, may mararating ka kaya? Magagawa mo kayang matamo ang katotohanan? Kung may isang isyung sumapit sa iyo, dapat mong hanapin at unawain ang isang aspeto ng katotohanan, at tamuhin ang aspetong iyon ng katotohanan. Ano ang maaaring matamo sa pag-unawa sa katotohanan? Kapag nauunawaan mo ang isang aspeto ng katotohanan, nauunawaan mo ang isang aspeto ng kalooban ng Diyos; nauunawaan mo kung bakit ginawa sa iyo ng Diyos ang bagay na ito, kung bakit gayon ang ipinagagawa Niya sa iyo, kung bakit isasaayos Niya ang mga sitwasyon upang ituwid at disiplinahin ka nang gayon, kung bakit gagamitin Niya ang usaping ito upang pungusan at iwasto ka, at kung bakit ka bumagsak, nabigo, at nalantad sa usaping ito. Kung nauunawaan mo ang mga bagay na ito, magagawa mong hanapin ang katotohanan at makakamit ang pagpasok sa buhay. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito at hindi mo tinatanggap ang mga katunayang ito, kundi ipinipilit mong salungatin at labanan ang mga ito, na gamitin ang sarili mong mga diskarte upang magpanggap, at na harapin ang lahat ng iba pa at ang Diyos nang may huwad na pagmumukha, hindi mo magagawang matamo ang katotohanan magpakailanman(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanilang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). Napakalinaw ng salita ng Diyos. Ang pinakamainam na paraan para lutasin ang maling pagkaunawa at pagiging mapagbantay ay ang hangaring maunawaan ang mga katotohanan sa mga nauugnay na bagay. Kapag nahaharap sa kabiguan at mga dagok, kung hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang iyong mga problema, at sa halip ay nag-iisip ka ng mga paraan para magpanggap, at hinaharap mo ang mga ito batay sa iyong kakitiran ng isip at masasamang paraan, hindi lang ‘yon mapanlinlang, kundi isa ring uri ng masamang disposisyon. Ang ganoong uri ng tao ay hinding-hindi makakamit ang katotohanan. Naalala ko nung natanggal ako, inilantad ng lider ang aking kayabangan, pagmamatuwid sa sarili, at ang aking pagtangging makinig sa mga opinyon ng iba. Nung panahong ‘yon, inamin at tinanggap ko ito, pero pagkatapos, hindi ko hinanap ang katotohanan para lutasin ang tiwali kong disposisyon. Ngayong bumalik ako sa paggawa ng graphics, natakot ako na matanggal at mapalayas dahil nagambala ko na naman ang gawain ng iglesia dahil sa pagiging mayabang ko, kaya ginamit ko ang mga pilosopiya ni Satanas tulad ng “Matitinong tao’y mabuti’t maingat sa sarili, tanging hangad nila’y hindi magkamali,” at “Mas mabuting maging ligtas kaysa magsisi” para protektahan ang sarili ko. Bihira akong magpahayag ng mga pananaw ko o mag-alok ng iba’t ibang mungkahi, at hindi ako kailanman nauunang magsabi sa tuwing may nangyayari. Mas lalo akong naging mapanlinlang kaysa dati. Nakita ko na may mga problema ang isang design proposal, pero wala akong sinabi. Alam ko na ang ilang mungkahi ng mga sister ay hindi naaayon sa mga prinsipyo, pero nanahimik lang ako. Sa panlabas, mukha akong masunurin, pero hindi pa talaga ako nagsisisi. Nagpapanggap lang ako na kaya kong magpasakop, at na nagbago na ako. Hindi ba’t nililinlang ko ang mga kapatid ko, pati na rin ang Diyos? Noon ko lang nakita na hindi lang ako hindi pa nagsisi pagkatapos matanggal, kundi, tuloy-tuloy akong naging mapagkalkula at mapanlinlang, nag-iisip ng mga paraan para protektahan ang sarili ko, at itago ang tiwali kong disposisyon. Lalo pa akong naging tuso kaysa dati. Masama ang disposisyon ko. Akala ko’y matalino ako, at gustong gumamit ng panlilinlang sa tao para iwasang mabunyag ang aking katiwalian. Pero sa pamamagitan ng karanasan, nakita ko na hindi madadaig ng pagsisikap ng tao ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at hindi rin malulutas ang mga ito sa pamamagitan ng pag-asa sa mga satanikong pilosopiya at pagpapanggap. Tanging sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at pagtatabas at pagwawasto, makakamit ng isang tao ang kaunting pagbabago. Hinahayaan tayo ng Diyos na ibunyag ang ating katiwalian, at alam Niya na may mga kabiguan tayo sa ating mga tungkulin, pero ayaw Niyang itago natin ang ating sarili o magpanggap kapag may mga problema tayo. Sa halip, gusto Niya tayong maging simple at tapat, at harapin nang tama ang ating mga kabiguan, at tunay na magsisi at magbago. Matapos matanto ang kalooban ng Diyos, hindi na ako pasibo o hindi nakauunawa, at handa na akong isagawa ang katotohanan at magsisi sa Diyos. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, at naunawaan ko ang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung gayon, paano mo lulutasin ang iyong pagiging pabasta-basta at padalos-dalos? Sabihin na, halimbawa, na may nangyari sa iyo at may sarili kang mga ideya at plano; bago mo pagpasyahan kung ano ang gagawin, dapat mong hanapin ang katotohanan at dapat ka man lang magbahagi sa lahat tungkol sa iniisip at pinaniniwalaan mo tungkol dito, na hinihiling sa lahat na sabihin sa iyo kung tama ang iyong mga iniisip at plano at kung naaayon ang mga ito sa katotohanan, at hinihiling sa lahat na gumawa ng huling pagsusuri para sa iyo. Ito ang pinakamagandang pamamaraan ng paglutas sa pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Una, maaari mong ipaliwanag ang pananaw mo at hanapin ang katotohanan; ito ang unang hakbang na dapat mong isagawa para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Nangyayari ang ikalawang hakbang kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon—ano ang maisasagawa mo para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang magbahagi ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagbibigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi mo pagkapit sa sarili mong opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag may mga ideya at pananaw ka habang nasa isang talakayan, dapat may puso kang naghahanap. Ang pagpapahayag ng mga pananaw ay hindi tungkol sa pagpilit sa iba na sumunod sa iyo. Sa halip, tungkol ito sa paghayag ng mga pananaw para pag-usapan at talakayin ng lahat, at sama-samang hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan. Ito lang ang makatwirang paraan. Ito ay pag-uugali na nagpoprotekta sa gawain ng iglesia. Kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay batay sa mayabang mong disposisyon, madaling maging mapagmatigas at pilitin ang iba na makinig sa iyo, nang walang anumang takot sa Diyos o pagsunod sa Kanya. Kalaunan, kapag tinatalakay ang mga konsepto sa mga kapatid, hayagan akong nagbabahagi tungkol sa anumang pananaw at ideya ko, at kahit pa sa tingin ko’y tama ang ideya ko, hindi ako pikit-matang kumakapit dito. Kapag nahaharap ako sa magkakaibang mungkahi, nagdarasal ako at naghahanap. Mapagpakumbaba kong tinatanggap kapag may nagsasabi ng isang bagay na naaayon sa mga prinsipyo. Pero kung hindi naman, naninindigan ako, at nagbabahagi at tinatalakay ito sa kanila. Ito ang tanging paraan para gawin ang tungkulin ng isang tao nang naaayon sa puso ng Diyos.

Nagpatuloy ako sa pagbabasa ng marami pang salita ng Diyos, na lalong nagpalinaw kung paano lutasin ang pagiging mapanlinlang at mapagbantay. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga tumatanggap kaagad ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa). “Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos, isa iyong pagpapamalas ng isang matapat na tao. Gayundin ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—iyon ang pinakamahalagang pagpapamalas ng isang matapat na tao, at ang pinakakritikal. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, ‘Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.’ Gayunpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkuling iyon o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging tapat sa tungkulin na dapat nilang gampanan, at magsikap na mapalugod ang kalooban ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan. Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi nagiging walang sigla sa iyong tungkulin o nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang pagganap nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para palugurin ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung hindi mo isasakatuparan ang iyong nalalaman at nauunawaan, at kung 50 o 60 porsyento lang ang iyong pagsisikap, kung gayon ay hindi mo ibinibigay ang buong puso at lakas mo, ikaw ay tuso at humahanap ng mga paraan para magpakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Walang silbi sa Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang palayasin. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumanap ng mga tungkulin. Ibig sabihin nito, kahit ang mga taos na tagapagserbisyo ay dapat maging matapat. Ang mga taong palaging pabaya at pabasta-basta, na laging tuso at naghahanap ng paraan para magpakatamad, ay pawang mapanlinlang, mga demonyo silang lahat, wala sa kanila ang tunay na nananalig sa Diyos, at palalayasin silang lahat(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, natanto ko na ang disposisyon ng Diyos ay banal at matuwid. Mahal ng Diyos ang matatapat na tao. Pagdating sa Diyos, may taos na puso ang matatapat na tao; pagdating sa ibang tao at sa Diyos, hindi sila mapagbantay o mapaghinala, at kaya nilang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi sila tuso o mapanlinlang sa kanilang mga tungkulin, at lubos silang nagsisikap na gawin ang dapat nilang gawin. Kahit kapag kailangan nilang managot, kaya nilang isantabi ang kanilang sariling mga interes, itaguyod ang mga prinsipyo, at gawin nang maayos ang kanilang tungkulin para palugurin ang kalooban ng Diyos. Tanging ang mga taong gumagawa ng tungkulin nila sa ganitong paraan ang magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos, at ganitong uri lang ng tao ang tunay na matalino! Pero upang protektahan ang sarili kong mga interes, nanahimik ako nang may nakita akong problema, na nakapinsala sa gawain. Bagamat mukhang hindi ako direktang responsable, ang totoo’y resulta ito ng hindi ko pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ko rin naunawaan ang maraming prinsipyo ng katotohanan, at nakikita ko lang ang isang bahagi ng problema, kaya hindi maiiwasan na magkaroon ng mga paglihis sa aking mga mungkahi. Pero tinatrato nang tama ng isang matapat na tao ang kanyang sariling katiwalian at mga pagkukulang, tinatanggap niya ang katotohanan, pati na ang pagbabahagi at pagtutuwid ng iba, at kaya niyang ibuod ang kanilang mga paglihis at maunawaan ang mga pangunahing prinsipyo. Kung talagang napipinsala ng kanyang mga pagkakamali ang gawain, kaya niyang buong tapang na tanggapin ito at magbago. Matapos mapagtanto ang mga ito, medyo lumiwanag ang puso ko, at mas malinaw na sa akin ang mga prinsipyo na dapat kong isagawa sa aking tungkulin.

Kalaunan, kapag muli akong nagtatalakay ng mga problema sa mga sister, nagdarasal ako sa Diyos, itinutuwid ang mga layunin ko, at nagsasagawa ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Minsan, tinatalakay ko ang isang konsepto ng disenyo ng larawan kasama ang tatlo pang sister, at sinabi nilang tatlo na hindi magagamit ang disenyo, pero eksaktong kabaligtaran ito sa tingin ko. Naisip ko: “Pareho ang pananaw nilang tatlo. Kung magpapahayag ako ng naiibang opinyon, sasabihin ba nilang mayabang ako? O dapat bang ‘wag na lang akong magsalita?” Pero ang konsepto ng larawang ‘yon ay sariwa at bago, at malinaw ang tema. Ayon sa mga prinsipyo, magagamit ito. Kung susunod lang ako sa pananaw ng iba, hindi ba’t pagsasayang lang ‘yon ng isang magandang design proposal? Naisip ko kung paanong maselan na ginagawa ng matatapat na tao ang kanilang mga tungkulin at itinataguyod ang mga prinsipyo. Kaya sinabi ko sa kanila ang mga pananaw ko at ang mga nauugnay na prinsipyo. Sa pamamagitan ng aming talakayan, sumang-ayon ang lahat na mas naaayon sa mga prinsipyo ang sinabi ko. Nang mangyari ‘yon, tunay akong nagpapasalamat sa patnubay ng Diyos, at naranasan ko ang kapayapaang nagmumula sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga prinsipyo.

Kaya ngayon, unti-unti ko nang napalaya ang sarili ko mula sa sobrang pag-iingat at pagbabantay. Kaya ko nang talakayin sa lahat ang anumang pananaw ko, at pakiramdam ko’y mas dalisay at tapat ang puso ko sa pagganap ng aking tungkulin. Mas naging epektibo ako sa paggawa ng aking tungkulin. Ang kaalamang ‘yon at ang kakayahang magbago ay lahat dahil sa patnubay ng salita ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Walang Hanggang Pagdurusa

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng kontrol ng nasasakupan ni Satanas....

Paalam sa Gawaing Walang Bunga

Ni Si Fan, South Korea Tinanggap ko ang tungkulin ng pagdidilig ng mga baguhan dalawang taon na ang nakararaan. Nadama kong isa itong...