Bakit Natatakot Akong Ilantad ang mga Problema ng Iba

Abril 23, 2023

Ni Ruo Tong, Taiwan

Noong nag-aaral pa ako, napansin kong medyo prangka ang ilang kaklase ko. Kapag nakikita nilang mali ang iba, sinasabi lang nila ang dapat nilang sabihin, na kadalasang nagpapasama ng loob sa mga tao at kaya sila ay itinatakwil. Naisip ko: “May pagkahangal ba ang mga taong ito? Gaya ng sinasabi nila, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,’ at ‘Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang.’ Makita ang lahat, pero huwag punahin ang lahat, sa ganitong paraan, magagawang makibagay ng isang tao sa karamihan. Kung masyado kang direkta, kahit wala kang masasamang intensyon, masama ang magiging reaksyon ng mga tao at tatanggihan ka nila. Paano ka magkakaroon ng mga kaibigan sa ganoong paraan?” Kaya hindi ko kailanman direktang tinutukoy ang mga problema ng iba kapag nakikipag-ugnayan ako sa kanila. Gusto ako ng lahat ng kaklase ko at kaibigan ko sila, madali raw akong pakisamahan at mabait, at naisip ko na mayroon akong magandang pagkatao. Nang manampalataya ako sa Diyos, sa ganitong paraan din ako nakipag-ugnayan sa mga kapatid. Hindi ko tinutukoy ang mga isyu ng iba kapag napapansin ko ang mga ito. Pakiramdam ko palagi, ang pagiging masyadong prangka ay magiging hindi komportable para sa mga tao, na iisipin nila na pinupuntirya ko sila at sinusubukang ilantad ang kanilang mga pagkukulang, at masisira nito ang relasyon namin. Nang makaranas ako ng paghahayag at makabasa ng salita ng Diyos, saka ko lang nakita na ang paraan ng pakikisalamuha ko sa iba ay laban sa katotohanan at sa Diyos.

Taong 2015 noon, at nakapareha ko si Leslie sa gawaing video. Mas matagal na siyang nananampalataya kaysa sa akin at mas matanda rin siya sa akin. Naging magalang kami sa isa’t isa, magkasundo, at halos hindi nag-aaway. Kalaunan, nahalal ako bilang superbisor. Isang beses, iniulat ng iba na si Leslie ay nagiging pabasta-basta, manloloko, at tuso, at na inaantala niya ang gawain. Sa tingin ko, talagang seryoso ang problema niya, kaya kinausap ko ang mga kapareha ko sa gawain na kailangang tukuyin at ilantad ang mga problema ni Leslie para makapagnilay siya, makilala ang sarili, magsisi, at magbago. Sumang-ayon ang mga kapareha ko at nagtanong kung sino ang dapat magbahagi kay Leslie. Nakatayo ako roon nang walang sinasabi, ayaw kong mangahas na gumawa ng anuman para lutasin ang problema. Naisip ko: “Kung tutukuyin ko ang mga problema niya, iisipin ba niyang pinupuntirya ko siya? Paano kami magkakasundo pagkatapos niyon?” Sa gulat ako, iminungkahi ng lahat na ako ang magbahagi kay Leslie. Gusto kong umiwas, pero kung hindi ko tutukuyin ang mga problema niya, patuloy na maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Kaya sa huli, nagpasya na lang akong gawin ito kahit mahirap sa akin. Ilang oras kong inihanda ang sarili kong isipan, hinihikayat ang sarili na tukuyin ang mga problema niya. Paulit-ulit kong inensayo sa isip ko kung ano ang sasabihin ko sa kanya, mula simula hanggang matapos. Pero nang makita ko siya, naguluhan ako. Pakiramdam ko ay sinasakal ako, at hindi ako makapagsalita. Kaya tinanong ko siya sa malumanay na tono: “Naging maayos ba ang kalagayan mo kamakailan? Nagkaroon ka ba ng anumang paghihirap? Bakit bumabagal ka sa paggawa ng mga video?” Sumagot si Leslie na nag-aalala siya tungkol sa hindi pagpasok sa eskuwela ng kanyang anak, kaya naantala ang kanyang gawain. Naisip ko: “Sabi niya may problema siya. Kung ilalantad ko siya sa pagiging pabasta-basta, manloloko, at tuso, iisipin ba niya na masyado akong malupit at na pinupuntirya ko siya? Kung masisira ang relasyon namin, mas magiging hindi komportable sa pagitan namin.” Sa isiping iyon, hindi ko na tinukoy ang mga problema niya. Nagsalita lang ako nang kaunti para aluin siya at saglit na tinalakay ang kalagayan ng kanyang tungkulin.

Dahil wala siyang tunay na pagkakilala sa sarili, patuloy siyang nagiging pabasta-basta sa kanyang tungkulin, at maraming problema sa kanyang mga video. Napagtanto ko na napakalubha ng mga problema ni Leslie, at kakailanganin siyang tanggalin kung hindi siya gagawa ng mga pagbabago. Kalaunan, muli akong nagbahagi sa kanya. Naisip ko na sa pagkakataong ito, tutukuyin ko na talaga ang mga problema niya. Pero pagkaupo ko pa lang, hindi na naman ako makapagsalita. Paulit-ulit kong iniisip kung paano ko sasabihin sa kanya sa paraang hindi siya mababalisa habang iminumulat siya sa kanyang mga problema, nang hindi niya iisipin na pinupuntirya ko siya o na magkakaroon siya ng pagkiling laban sa akin. Maingat ko siyang tinanong: “Bakit palagi kang pabaya sa tungkulin mo?” Sinabi sa akin ni Leslie na kung minsan ay bumibigay siya sa pagkahilig niya sa pagbabasa ng mga nobela, at napapabayaan niya ang kanyang mga tungkulin. Sa sobrang sama ng loob ay napaiyak siya habang sinasabi ito. Naisip ko: “Nahihirapan siya. Kung sasabihin ko sa kanya na nagiging manloloko at tuso siya, kakayanin ba niya? Pinakamainam kung huwag na lang magsalita. Ano’t anuman, inamin naman niya ang problema niya at malamang na mapapabuti ito simula ngayon.” Kaya nagpahayag ako ng pag-unawa sa kalagayan niya at hinimok siyang mas magsikap sa tungkulin niya. Pagkatapos niyon, hindi pa rin siya nagsisi, mas lumala pa nang lumala ang kanyang mga pabayang gawi, at sa huli ay tinanggal siya. Hindi ko pinagnilayan ang sarili ko, at lumipas na lang ang bagay na ito.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang pagkilos at pagtrato ng mga tao sa iba ay dapat ibatay sa mga salita ng Diyos; ito ang pinakapangunahing prinsipyo para sa pag-uugali ng tao. Paano maisasagawa ng mga tao ang katotohanan kung hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi ang pagsasabi ng mga walang-saysay na salita at pagsigaw ng mga islogan. Anuman ang maaaring makaharap sa buhay ng isang tao, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, mga pananaw sa mga pangyayari, o patungkol sa pagganap sa kanyang tungkulin, kailangan niyang magpasya, at dapat niyang hanapin ang katotohanan, hanapin ang batayan at prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hanapin ang isang landas sa pagsasagawa. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang pagtahak sa landas ni Pedro, sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat sundin kapag nakikisalamuha sa iba? Marahil ang orihinal mong pananaw ay isang kayamanan ang pagkakasundo at kagalingan ang pagtitimpi, na dapat mong panatilihin ang kapayapaan, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, sa gayong paraan ay matatamo ang magandang ugnayan sa iba. Dahil napipigilan ng pananaw na ito, mananahimik ka kapag nasaksihan mo ang ibang gumagawa ng mga maling gawa o lumalabag sa mga prinsipyo. Sa halip na mapasama ang loob ng sinuman, mas gugustuhin mong dumanas ng kawalan ang gawain ng iglesia. Hahangarin mong manatiling kasundo ang lahat, maging sinuman sila. Magsasabi ka lang ng mga bagay na nakalulugod para sa iba—iniisip lang na protektahan ang kanilang mga emosyon at hindi sila mapahiya. Kahit na malaman mong may mga problema sa isang tao, magtitimpi ka—kapag nakatalikod siya, posibleng magsalita ka, pero sa harap niya ay pananatilihin mo ang kapayapaan at ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa gayong pag-uugali? Hindi ba’t ganito ang sa isang tao na mapagpalugod ng iba? Hindi ba ito medyo madaya? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-uugali. Kaya hindi ba pagiging mababa ang kumilos sa gayong pamamaraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, ni hindi sila marangal. Gaano ka man nagdusa, at gaano mang halaga ang iyong binayaran, kung kikilos ka nang walang mga prinsipyo, kung gayon ay nabigo ka at hindi makatatanggap ng pagsang-ayon sa harap ng Diyos, ni hindi ka Niya maaalala, ni hindi mo Siya mabibigyang-kaluguran(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsiyensiya at Katwiran). Nilinaw sa akin ng salita ng Diyos na kahit anong mangyari sa buhay ko, hangga’t kabilang dito ang mga prinsipyo ng pag-uugali o mga pananaw sa mga bagay-bagay, dapat palagi kong hahanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan. Bago niyon, hindi ako naglakas-loob na tukuyin ang mga problema ng mga kapatid, at inakala ko na walang mali roon. Akala ko na hangga’t nagkakasundo kami at hindi nagtatalo, maayos na ang lahat. Nabasa ko na sinasabi ng Diyos na: “Gaano ka man nagdusa, at gaano mang halaga ang iyong binayaran, kung kikilos ka nang walang mga prinsipyo, kung gayon ay nabigo ka at hindi makatatanggap ng pagsang-ayon sa harap ng Diyos, ni hindi ka Niya maaalala, ni hindi mo Siya mabibigyang-kaluguran.” Naantig talaga ako ng mga salitang ito. Maaaring tila wala akong ginagawang masama, pero palagi akong natatakot na mapasama ang loob ng mga tao at hindi ako naglalakas-loob na matapat na tukuyin ang mga problema ng iba. Kahit na may nakikita akong problema at nagagalit ako sa loob-loob ko, todo ngiti pa rin ako sa kanila, na nangangahulugan na ang mga problemang dapat sana ay nalutas, ay hindi nalutas, at nagdusa ng mga kawalan ang gawain ng iglesia. Sinasabi ng Diyos na ang gayong uri ng tao ay tuso at mapanlinlang, at walang prinsipyo sa kanyang asal. Pinagnilayan ko kung paano ko hinarap ang sitwasyon ni Leslie. Alam na alam ko na nagiging manloloko at tuso siya at lubhang nakakaapekto sa pag-usad, pero natakot akong mapasama ang loob niya kung masyado akong naging direkta. Baka isipin niyang napakalupit ko, at magkaroon siya ng pagkiling laban sa akin. Natakot akong babalewalain niya ito at sisimangot siya, tapos ay magiging asiwa kami sa isa’t isa. Dahil gusto kong protektahan ang relasyon namin, masyado akong natakot na magsabi ng anumang bagay para ilantad o iwasto siya. Nakita kong lumalala ang problema niya sa pagiging pabasta-basta at nagalit ako, pero sa pagbabahagi sa kanya, natakot akong kontrahin siya, kaya hindi ako naglakas-loob na banggitin o ilantad ang problema niya. Nagsabi lang ako ng ilang kaswal na bagay na pahapyaw sa paksa, at inalo ko pa nga siya, sa kabila ng nararamdaman ko. Bilang superbisor, ang hindi paglantad o paglutas sa mga problemang nakita ko ay nangangahulugang nagiging iresponsable ako at lubhang pabaya. Sa wakas, nakita ko na umaakto akong “mabait na tao” sa paligid ng iba sa buong panahong ito, iniisip na ang pagiging maalalahanin at maunawain ay pagiging mabuting tao. Nang mabunyag ang mga katunayan, saka ko lang lubusang binago ang pananaw ko sa sarili ko. Napansin ko ang problema ni Leslie pero hindi ko ito tinukoy at hindi siya tinulungan. Dahil dito, hindi niya nakita ang diwa o mga kahihinatnan ng kanyang problema, nagdusa ang buhay niya, at naantala ang gawain ng iglesia. Masyado akong naging makasarili, manloloko, at mapanlinlang. Paano ko masasabing mayroon akong mabuting pagkatao?

Kalaunan, sa isang pagtitipon, nabasa ko ang pagsusuri ng Diyos sa “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang,” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Pagkatapos ay nalaman ko na nag-atubili akong tukuyin ang mga problema ng iba dahil naimpluwensyahan ako ng mga ideyang ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “May isang doktrina sa mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para maingatan ang isang pagkakaibigan, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon—na dapat niyang itaguyod ang mga prinsipyo ng huwag mamersonal ng mga tao o huwag ilantad ang kanilang mga kakulangan. Lilinlangin nila ang isa’t isa, pagtataguan ang isa’t isa, iintrigahin ang isa’t isa; at bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para maingatan ang kanilang mga pagkakaibigan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Gaya ng iyong nalalaman, magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong ilantad ang kanyang mga kakulangan o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, ‘Huwag mamersonal ng mga tao kailanman, at huwag ilantad kailanman ang kanilang mga kakulangan.’ Batay rito, kung gayon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing relasyong panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga relasyong panlipunan, hindi naihahandog ng mga tao ang kanilang damdamin, ni wala silang malalalim na pag-uusap, ni hindi nila sinasabi ang anumang gusto nila, ni sinasabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa isa’t isa, o ang mga salitang makakatulong sa isa’t isa. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, dahil baka maging sanhi pa ito para mapoot sa kanila ang iba. Kapag walang sinumang banta sa kanila, hindi ba’t mamumuhay sila nang medyo maginhawa at payapa? Hindi ba ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa pariralang, ‘Huwag mamersonal ng mga tao kailanman, at huwag ilantad kailanman ang kanilang mga kakulangan’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, at ang layon ay pangalagaan ang sarili. Ang mga taong ganito ang pamumuhay ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit ano. Maingat sila laban sa isa’t isa, at tuso, at madiskarte, kinukuha ang kailangan nila mula sa relasyon. Hindi ba ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Huwag mamersonal ng mga tao kailanman, at huwag ilantad kailanman ang kanilang mga kakulangan’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pamiminsala sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit para hindi masaktan ang sarili. Sa pagtingin sa ilang anggulo ng diwa, marangal na aral ba ang paggiit sa kabutihan ng mga tao na ‘huwag mamersonal ng mga tao kailanman, at huwag ilantad kailanman ang kanilang mga kakulangan’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na hindi mo dapat pasamain ang loob o saktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan; mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan, magiging estranghero sila na nadaraanan mo sa kalsada, o magiging kaaway mo. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao sa ganitong paraan? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa kabutihan? Hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya sa pamumuhay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 8). Nang suriin ng Diyos ang epekto ng “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang,” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” pakiramdam ko ay nasa mismong harapan ko Siya, inilalantad ako. Sa pamumuhay ayon sa mga pilosopiyang ito ng pag-uugali, ang mga salita at kilos ko ay nagsilbing proteksyon ko lang. Kahit sino pang kasama ko, palagi kong pinanghahawakan ang prinsipyong huwag kailanman kontrahin o pasamain ang loob ng sinuman. Tulad noong nag-aaral pa ako, nakita ko ang mga taong prangka na itinatakwil, kaya pakiramdam ko, upang makasundo ang iba, hindi mo dapat sabihin kahit kailan ang tunay mong nararamdaman, at hindi mo dapat banggitin ang mga problema ng isang tao at pasamain ang loob niya. Sa ganoong paraan, magugustuhan ka ng mga tao at magiging madali sa iyo na makibagay. Kahit pagkatapos manalig sa Diyos, sinusunod ko pa rin ang gayong pamamaraan ng pag-uugali sa mga kapatid. Upang maiwasang hindi magustuhan ng iba o makasakit ng damdamin, sa tuwing kinakailangang ilantad ang mga tao at maaaring mapasama ang loob nila, sadya akong umaatras sa responsibilidad, o binabanggit ko ito sa isang kapareha para hayaang sila ang umasikaso rito. Minsan kapag kailangan kong magbahagi, nagsasabi lang ako ng ilang hindi mahahalagang bagay na akma sa sitwasyon, ibig sabihin ay maraming problema ang hindi nalulutas sa tamang panahon. Pinanghawakan ko ang mga makamundong pilosopiya tulad ng “Ang isa pang kaibigan ay nangangahulugan ng isa pang landas; ang isa pang kaaway ay nangangahulugan ng isa pang balakid,” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” para maging pamantayan sa pag-uugali ko. Hindi ko kailanman sinabi kahit kanino kung ano talaga ang iniisip ko, at mas lalo akong nagiging huwad at mapanlinlang. Iniisip ko sa sarili ko na sa pagpapanatili ng mabuting relasyon at pagiging kasundo ng lahat, magugustuhan ako ng mga tao, pagkatapos ay madali kong makukuha ang pagsang-ayon ng iba. Kung isang araw ay may sabihin o gawin ako na labag sa mga prinsipyo, papalampasin ako ng mga tao at hahayaan akong huwag mapahiya. Nakita ko na wala akong prinsipyo sa mga pakikipag-ugnayan ko. Gusto ko lang mapanatiling masaya at nakangiti ang lahat, at para walang maglalantad ng mga pagkukulang ng sinuman upang hindi ako mapahiya at mapanatili ko ang aking katayuan at reputasyon. Hindi ba’t sinusubukan kong makuha ang suporta ng mga tao at gamitin sila? Maaaring mukha akong mabait, magiliw, at maawain, ngunit sa likod ng lahat ng ito, hinahabol ko ang sarili kong mga layunin. Ako ay tunay na masama! Sa pag-iisip tungkol kay Leslie, malinaw sa akin na siya ay manloloko at tuso, pero para maiwasang kontrahin siya, hindi ko tinukoy o inilantad ang mga problema niya, na nakakaapekto sa pag-usad ng gawain. Bukod sa pinipinsala ko siya sa pakikipag-ugnayan nang ganoon, inaantala ko rin ang gawain ng iglesia. Palaging nagbabahagi ang Diyos na dapat tayong kumilos at umakto ayon sa mga salita ng Diyos, at tingnan ang mga tao at bagay gamit ang katotohanan bilang ating pamantayan. Pero sa pang-araw-araw na buhay, namumuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya, laging napipigilan sa aking pananalita at mga kilos. Hindi ko nagagawang magbahagi o tumulong sa iba nang normal, at lalong hindi nagagampanan ang mga responsibilidad ng isang lider. Hindi ko inisip kung paano magsalita sa paraang makapagpapatibay sa iba o kung paano protektahan ang gawain ng iglesia. Nanood lang ako habang napipinsala ang gawain ng iglesia at umakto akong mabait na tao sa kabila ng nararamdaman ko. Isinakripisyo ko ang mga interes ng iglesia para sa kapakanan ko. Masyado akong huwad at walang pagkatao! Kung nagpatuloy ako nang ganoon, kapopootan at kasusuklaman ako ng Diyos at hahamakin at tatanggihan ako ng iba. Nanalangin ako sa Diyos: “Diyos ko, nakikita ko na napipinsala ang gawain ng iglesia pero palagi akong umaaktong mabait. Hindi ko pinoprotektahan ang mga interes ng iglesia at siguradong kinasusuklaman Mo iyon. O Diyos, gusto ko pong magsisi. Pakiusap, gabayan Mo po ako na lutasin ang problema ko at maging isang taong may pagpapahalaga sa katarungan na nagpoprotekta sa gawain ng iglesia.”

Pagkatapos niyon, nabasa ko ang marami pang salita ng Diyos. “Kapag may nangyayari, namumuhay ka ayon sa isang pilosopiya ng buhay, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Palagi kang natatakot na mapasama ang loob ng iba, pero sa Diyos, hindi ka natatakot na magkasala, at isasakripisyo mo pa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang protektahan ang iyong mga ugnayan sa mga tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkilos sa ganitong paraan? Mapoprotektahan mo nga nang mabuti ang iyong mga ugnayan sa mga tao, ngunit magkakasala ka naman sa Diyos, at kasusuklaman at tatanggihan ka Niya, at magagalit Siya sa iyo. Alin ang mas mainam, kung isasaalang-alang ang lahat? Kung hindi mo masabi kung alin, naguguluhan ka nang husto; pinatutunayan nito na wala ka ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan. Kung magpapatuloy ka nang ganyan nang hindi kailanman natatauhan, talagang matindi ang panganib, at sa huli, hindi mo magagawang matamo ang katotohanan. Ikaw ang siyang dadanas ng kawalan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan sa bagay na ito, at mabigo ka, magagawa mo bang hanapin ang katotohanan sa hinaharap? Kung hindi mo pa rin magagawa, hindi na ito magiging usapin ng pagdanas ng kawalan—mapalalayas ka na sa huli. Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang ‘mabait na tao,’ sa lahat ng bagay, hindi mo makakayang isagawa ang katotohanan at sumunod sa prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang walang pananalig, at hindi mo makakamit ang katotohanan at ang buhay kailanman. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa gayong mga bagay, dapat tumawag ka sa Diyos sa panalangin, magmakaawa na maligtas ka, at hilingin na bigyan ka ng Diyos ng higit pang pananampalataya at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, manindigan, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong talikdan ang sarili mong mga interes, reputasyon, at kinatatayuan ng isang ‘mabait na tao,’ kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, natalo mo na si Satanas, at matatamo na ang aspetong ito ng katotohanan. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na pinananatili ang mga relasyon mo sa iba at hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, hindi nagtatangkang sumunod sa prinsipyo, magagawa mo bang isagawa ang katotohanan sa iba pang mga bagay? Mawawalan ka ng pananampalataya, ng lakas. Kung hindi mo nagagawa kahit kailan na hanapin o tanggapin ang katotohanan, tutulutan ka ba ng gayong pananampalataya sa Diyos na matamo ang katotohanan? (Hindi.) At kung hindi mo matamo ang katotohanan, maaari ka bang maligtas? Hindi maaari. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, lubos na walang realidad ng katotohanan, hindi ka maliligtas kailanman(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nilinaw sa akin ng salita ng Diyos na ang aking mga prinsipyo ay na palaging panatilihin ang mga relasyon at hindi kailanman magkaroon ng mga kaaway, sa halip na isagawa ang salita ng Diyos. Kapag nakakakita ako ng isang bagay na hindi nakaayon sa katotohanan, bumibigay na lang ako at pinahihintulutan ito, gusto kong protektahan ang mga relasyon ko sa iba, na nagbibigay-daan sa akin na mamuhay sa isang ligtas na kalagayan. Nakita ko na tinatahak ko ang landas ng katamtaman, na ganap na nagiging walang prinsipyo. Hinihiling sa atin ng Diyos na magsalita at kumilos tayo ayon sa Kanyang salita, na maging mga taong nagmamahal sa minamahal Niya, napopoot sa Kanyang kinapopootan, at nakakaalam ng mabuti sa masama, na magawang matukoy ang lahat ng uri ng tao, at tratuhin ang iba ayon sa mga prinsipyo. Tanging ang pagsasagawang ito ang naaayon sa kalooban ng Diyos. Gayunpaman, malinaw kong nakita na inaantala ni Leslie ang gawain sa kanyang tungkulin pero hindi ko siya pinuna o inilantad. Inalo ko siya nang makita ko siyang umiiyak at umakto akong mabait, sa kabila ng nararamdaman ko. Sa ganito, pinoprotektahan ko ang aming relasyon at pinapanigan si Satanas dahil pinagbibigyan ko siya. Napakahangal ko. Noon, hindi ko inakala na ang gayong pag-uugali ay isang malaking problema. Nang mabunyag ang mga katunayan, saka ko lang nakita na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiyang ito ng pag-uugali ay talagang hindi ang tamang landas. Isa akong superbisor, pero palaging natatakot na mapasama ang loob ng mga tao at wala akong pagpapahalaga sa katarungan. Hindi ako naglalakas-loob na tukuyin ang mga isyung nakikita ko o magbahagi para lutasin ang mga ito, na humahantong sa paulit-ulit na paglitaw ng mga problema. Hindi ito paggawa ng tunay na gawain; ito ay paglaban sa Diyos.

Kalaunan, nakakita ako ng landas ng pagsasagawa sa salita ng Diyos: “Kung nais mong magtatag ng normal na kaugnayan sa Diyos, kailangang nakabaling sa Kanya ang puso mo; sa pundasyong ito, magkakaroon ka na rin ng mga normal na kaugnayan sa ibang tao. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, anuman ang gawin mo upang mapanatili ang iyong mga kaugnayan sa ibang tao, gaano ka man magsumikap o gaanong lakas man ang iyong ibuhos, ang lahat ng ito ay magiging sa isang pilosopiya lamang ng tao sa pamumuhay. Pangangalagaan mo ang iyong katayuan sa mga tao at makakamit ang kanilang papuri sa pamamagitan ng mga pananaw ng tao at mga pilosopiya ng tao, sa halip na magtatag ng mga normal na interpersonal na kaugnayan ayon sa salita ng Diyos. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa mga tao, at sa halip ay magpapanatili ka ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kung handa kang ibigay sa Diyos ang puso mo at matutuhan Siyang sundin, natural lamang na magiging normal ang iyong mga interpersonal na kaugnayan. Sa gayon, hindi itatatag sa laman ang mga kaugnayang ito, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos wala kang magiging pakikipag-ugnayan sa laman sa ibang mga tao, ngunit sa espirituwal na antas ay magkakaroon ng pagsasamahan at pagmamahalan, kapanatagan, at paglalaan sa pagitan ninyo. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng pagnanais na mapalugod ang Diyos—ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pamamagitan ng mga pilosopiya ng tao sa pamumuhay, likas na nabubuo ang mga ito kapag nagdadala ang isang tao ng pasanin para sa Diyos. Hindi kinakailangan ng mga ito na gumawa ka ng anumang pagsisikap na gawa ng tao, kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos). Nilinaw sa akin ng salita ng Diyos na ang normal na mga relasyon sa pagitan ng mga tao ay hindi napapanatili sa pamamagitan ng mga makamundong pilosopiya. Ito ay itinatatag sa pundasyon ng pagsasagawa ng Kanyang salita. Kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, kailangan nating isagawa ang katotohanan, kumilos ayon sa mga prinsipyo, protektahan ang gawain ng iglesia, at magdala ng pasanin para sa buhay ng mga kapatid. Ito ang tanging paraan para magkaroon ng normal na mga relasyon sa pagitan ng mga tao. Naalala ko ang mga patotoong batay sa karanasan ng ilang kapatid. Kapag napapansin nila ang mga problema ng iba, nagagawa nilang tukuyin ang mga ito at tulungan ang iba ayon sa salita ng Diyos. Bagamat napapahiya ang mga tao minsan, kung hahangarin nila ang katotohanan, maaari nilang gamitin ang pagbabahagi at pagpuna na ito para matuklasan ang kanilang mga pagkukulang, malaman ang kanilang mga tiwaling disposisyon, mabago ang kanilang mga maling kalagayan, makausad sa kanilang buhay, at makakuha ng mas magagandang resulta sa kanilang mga tungkulin. Iyon ang pagiging tunay na mapagmahal at matulungin. Subalit para sa mga taong hindi hinahangad ang katotohanan, ang mapuna at maiwasto ay naglalantad sa kanila. Nayayamot sila sa katotohanan, at kapag tinatabasan at iwinawasto sila, sinusubukan nilang magdahilan at lumaban, nang walang pagtanggap. Ang ganitong uri ng tao ay hindi tunay na kapatid at dapat tanggihan at itakwil. Nang mapagtanto ko ito, lalo kong naramdaman na tanging salita ng Diyos ang pamantayan sa ating mga kilos at asal, na dapat nating tratuhin ang iba ayon sa salita ng Diyos. Iyon ang tamang paraan para umasal at iyon ang naaayon sa mga pamantayan ng normal na pagkatao.

Kalaunan, nalaman kong may isang sister na nagiging mayabang, mapagmagaling, at hindi tumatanggap ng mga mungkahi. Patuloy niyang ginagawa ang gusto niya at inaantala ang gawain. Kailangan kong magbahagi at tukuyin ang mga problema niya para mapagnilayan at makilala niya ang kanyang sarili, pero medyo nangamba ako. Paano kung hindi niya ito tatanggapin? Magkakaroon ba siya ng pagkiling laban sa akin at sasabihing pinupuntirya ko siya? Naalala ko ang dati kong kabiguan, at ang nabasa ko sa salita ng Diyos kamakailan, at may napukaw ito sa loob-loob ko. Kung babalewalain ko ang gawain ng iglesia sa pagsisikap kong protektahan ang aming relasyon, magkakasala ako sa Diyos. Sa pagkakataong ito, pinagmamasdan ng Diyos ang aking saloobin para makita kung nagsisi at nagbago na ako. Hindi ko pwedeng tratuhin ang mga tao tulad ng dati. Naalala ko na sinasabi ng salita ng Diyos na: “Kapag naharap ka sa gayong mga bagay, dapat tumawag ka sa Diyos sa panalangin, magmakaawa na maligtas ka, at hilingin na bigyan ka ng Diyos ng higit pang pananampalataya at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, manindigan, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Naramdaman kong nasa tabi ko ang Diyos, hinihikayat akong gawin ang hakbang na ito. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas para maisagawa ko ang katotohanan, magawang unahin ang gawain ng iglesia, at matigil ang pagkatakot na mapasama ang loob ng mga tao, na pagprotekta sa mga relasyon. Pagkatapos magdasal, hinanap ko ang sister na iyon. Kasabay ng paglalantad ng kanyang problema batay sa kanyang palagiang pag-uugali, binanggit ko rin na mayabang siya at hindi tumatanggap ng mga mungkahi ng iba, na ito ay pagiging yamot sa katotohanan at pagkakaroon ng satanikong disposisyon. Sinabi ko na kung patuloy niyang hahadlangan ang gawain ng iglesia nang hindi nagsisisi o nagbabago, matatanggal siya. Pagkatapos kong sabihin ang lahat ng iyon, hindi na katulad ng dati ang nararamdaman ko na takot na kamuhian. Sa halip, mas naging kalmado at payapa ang pakiramdam ko. Kung gugunitain, palagi akong namumuhay noon ayon sa mga satanikong pilosopiya ng pag-uugali, takot na mapasama ang loob ng mga tao, na umusbong ang mga alitan at hindi pagkakasundo. Sa mga pakikipag-ugnayan, palagi kong isinaalang-alang ang reputasyon ng iba at pinrotektahan ko ang mga relasyon, napapalampas ang maraming pagkakataong maisagawa ang katotohanan. Ngayon, kapag kailangan kong tukuyin ang mga problema ng mga tao, medyo natatakot pa rin ako, pero nasisiguro kong nakakapagdasal ako sa Diyos, at naitatama ko ang sarili kong mga intensyon at pananaw para makapagsagawa ayon sa mga prinsipyo. Nagbigay-daan sa akin ang karanasang ito na maitama ang aking mga maling pananaw. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Paggamit ng Salita ng Diyos Bilang Isang Salamin

Kinailangang mangyari ang sitwasyong ito sa akin: Kapag nakikipag-usap ako, naging karaniwan ang pagsasalita na parang nauunawaan ko ang aking sarili; itinatango ang ulo ko at sinasang-ayunan ang salita na kung saan inilalantad ng Diyos ang tao, ngunit kapag nahaharap na sa mga katotohanan, mamamatay muna ako bago aminin ang pagiging kagaya ng taong ipinapakita ng Diyos sa akin.

Isang Pagbabago Matapos Maiwasto

Ni Yong Zhi, Timog Korea Nung Marso, namahala ako sa paggawa ng video ng iglesia. ‘Di ko nauunawaan nang lubos ang marami sa mga prinsipyo...