Ang Nakamit Ko Mula sa Pagkakawasto

Abril 23, 2023

Ni Xiaomi, Hapon

Noong Hunyo 2022, nahalal ako na maging lider ng iglesia. Nang maisip ko ang lahat ng gawaing aakuin ko, ang samu’t-saring karanasan na matatamo ko, at kung paano ito makakabuti para sa aking paglago sa buhay, tuwang-tuwa ako. Nagpapasalamat din ako sa Diyos para sa pagkakataong ito na magsagawa. Pero bago lang ako sa pamumuno, kaya wala akong maraming alam na prinsipyo. Hindi ko hinahanap ang mga prinsipyo kapag lumilitaw ang mga problema, kundi bulag ko lang na ginagawa ang anumang iniisip kong pinakamainam. Ganoon din ako kapag namimili ng mga tao para sa mga posisyon. Pagkaraan ng ilang panahon, nagiging pabaya sa kanyang tungkulin ang isang superbisor na napili ko at inaantala niya ang gawain. Pinagsabihan ako ng isang nakatataas na lider, “Sa isang bagay na kasinghalaga ng pagtatalaga ng mga tauhan, bakit mo binabalewala ang mga prinsipyo at nagdedesisyon ka nang mag-isa nang hindi tinatalakay ang mga ito sa mga katrabaho mo? Napakayabang mo at masyado kang mapagtiwala sa sarili!” Sumama ang loob ko nang marinig ko iyon. Inamin ko na naging mayabang ako, pero nag-alala rin ako. Ngayong nalantad na ang problema ko, makikita na ng lider at ng iba pang kapatid kung sino talaga ako. Kung lilitaw ang parehong problema, tatanggalin ba ako ng lider? Sa gulat ko, hindi nagtagal kinailangang gawing muli ang ilang trabaho ko sa isa pang proyekto dahil ginawa ko ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan. Naantala niyon ang gawain, at muli akong tinabasan at iwinasto. Sinabi sa akin: “Bilang lider, hindi ka nag-aasikaso ng mga personal na bagay, kundi gumagawa ka ng gawaing sangkot ang buong iglesia. Dapat hanapin ng mga lider ang mga prinsipyo ng katotohanan at makipagtalakayan sa mga katrabaho sa lahat ng bagay. Bakit palagi mo na lang ginagawa ang anumang gusto mo? Masyado kang mayabang.” Ang marinig ito mula sa kanya, ay parang kutsilyong sumaksak sa puso ko, at hindi ko napigilan ang pag-agos ng mga luha ko. Tama siya—tinukoy na ng lider ang mismong problemang ito. Bakit ko ginawa ang parehong pagkakamali? Kung palagi kong ginagawa ang mga bagay sa sarili kong paraan at nagkakamali ako, tiyak na matatanggal ako sa malao’t madali. Noong panahong iyon, may napansin akong ilang iba pa sa paligid ko na hindi naghahanap ng mga prinsipyo ng katotohanan sa kanilang mga tungkulin, kundi ay ginagawa ang mga bagay sa sarili nilang paraan. Nagdulot iyon ng mga pagkagambala sa gawain at pinuna sila, at ang ilan ay tinanggal. Nang makita ko ito, lalo akong nabalisa at natakot. Pakiramdam ko ay kailangan ko talagang mag-ingat simula noon at hindi na magkamali. Kung hindi, ako ang susunod na matatanggal. Kung talagang mawawalan ako ng tungkulin, magkakaroon pa ba ako ng magandang kalalabasan at hantungan? Naging matatakutin talaga ako sa gawain pagkatapos niyon. Kahit sa mga ordinaryong talakayan sa gawain, kapag kinakailangan naming magpahayag ng opinyon, nag-aatubili akong magsalita, natatakot akong makapagsabi ng mali at mabunyag ang problema ko. Kapag nagbibigay ng mga mungkahi sa mga isyung napapansin ko, kinukuwestiyon ko ang sarili ko, iniisip na: “Problema ba talaga ito? Kung mali ako, iwawasto ba ako ng lider? Hindi bale na—mas mabuting huwag nang banggitin ito. Sa ganoong paraan, hindi ako magkakamali, at hindi ako mapupuna.” Sa isiping iyon, ipinagkikibit-balikat ko na lang ang mga bagay na hindi ako sigurado. Pero medyo nakokonsensya ako dahil doon, at napagtanto ko na nagiging iresponsable ako sa aking gawain. Naisip ko na dapat kong tanungin ang mga katrabaho ko at pagkatapos ay harapin ang mga bagay-bagay pagkatapos marinig ang pananaw nila. Sa ganoong paraan ay hindi sasabihin ng lider na mayabang ako at mapagmatigas. Minsan, kinailangan ng iglesia na pumili ng isang lider ng grupo para sa gawain ng ebanghelyo. May isang brother na may talento sa pagbabahagi ng ebanghelyo, pero sinabi ng iba na wala siyang mabuting pagkatao, at na inatake at ginantihan niya ang iba. Hindi ko alam kung angkop ba siyang maging kandidato, kaya tinalakay ko ito sa mga katrabaho ko. Sinabi ng lahat na subukan ito. Medyo hindi ako mapalagay noong panahong iyon at gusto kong talakayin pa ito, pero naisip ko, ako lang ang nakadama na hindi angkop ang brother na iyon. Paano kung makapagmungkahi ako nang hindi tama, at sabihin ng lider na hindi ko naiintindihan ang mga prinsipyo, na ako ay mayabang, at iwasto ako nito? Kaya hindi ko na binanggit ang mga alalahanin ko, at pinanatag ko pa nga ang sarili ko: Hiningi ko na ang opinyon ng lahat, kaya kung may mangyayaring mali, hindi lang ako ang mananagot. Hindi nagtagal, sinuri ng nakatataas na lider ang aming gawain at natuklasan nito na hindi mabuti ang pagkatao ng brother. Hindi siya tumatanggap ng mga mungkahi ng iba, at inaatake at ginagantihan pa nga ang mga ito. Sinabi ng lider, “Kung hindi siya matatanggal kaagad, maaapektuhan ang gawain.” Nalungkot talaga ako nang marinig ko iyon, dahil alam ko na ang problema noon pa, pero natakot ako na mali ang saloobin ko rito, at na iwawasto ako kung may problema, kaya wala akong sinabi. Sa kabutihang palad, napansin ito ng lider at tinanggal ang brother, kung hindi, tiyak na maaapektuhan ang gawain. Nakonsensya talaga ako. Malinaw kong naramdaman na may problema, kaya bakit wala akong lakas ng loob na sabihin ito? Bakit nabigo akong protektahan ang gawain ng iglesia? Bakit ako takot na takot na matabasan at maiwasto? Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan akong maunawaan ang aking problema.

Pagkatapos, isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Sinusunod ng ilang tao ang sarili nilang kagustuhan kapag kumikilos sila. Nilalabag nila ang mga prinsipyo, at pagkatapos matabasan at maiwasto, sa salita lamang nila inaamin na sila ay mayabang, at na nakagawa sila ng pagkakamali dahil lamang sa wala sa kanila ang katotohanan. Pero sa kanilang puso, nagrereklamo pa rin sila na, ‘Walang ibang nangangahas na magsalita o kumilos, ako lamang—at sa huli, kapag may nangyaring mali, ipinapasa nila sa akin ang lahat ng responsibilidad. Hindi ba’t ang hangal ko naman? Hindi ko na pwedeng ulitin iyon sa susunod, na mangahas na magsalita o kumilos nang ganoon. Napupukpok ang mga pakong nakausli!’ Ano ang tingin mo sa ganitong saloobin? Saloobin ba ito ng pagsisisi? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t naging madaya at mapanlinlang na sila? Sa kanilang mga puso, iniisip nila na, ‘Mapalad ako na sa pagkakataong ito ay hindi ito humantong sa isang sakuna. Isang pagkahulog sa bitag, isang dagdag-katalinuhan, sabi nga. Kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap.’ Hindi nila hinahanap ang katotohanan, gamit ang kanilang walang-kuwenta at tusong mga pakana sa pag-aasikaso at pagharap sa usapin. Kaya ba nilang tamuhin ang katotohanan sa ganitong paraan? Hindi nila kaya, dahil hindi sila nagsisi. Ang unang dapat gawin kapag nagsisisi ay ang kilalanin kung ano ang nagawa mong mali: makita kung saan ka nagkamali, ang diwa ng problema, at ang tiwaling disposisyon na nalantad mo; dapat mong pagnilayan ang mga bagay na ito at tanggapin ang katotohanan, pagkatapos ay magsagawa ayon sa katotohanan. Ito lamang ang saloobin ng pagsisisi. Sa kabilang banda, kung lubos kang nag-iisip ng mga tusong paraan, nagiging mas madaya kaysa dati, nagiging mas mautak at mas tago ang mga diskarte mo, at nagkakaroon ka ng mas maraming pamamaraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, kung gayon, ang problema ay hindi kasingsimple ng pagiging mapanlinlang lang. Gumagamit ka ng pailalim na kaparaanan at mayroon kang mga lihim na hindi mo maisiwalat. Masama ito. Hindi ka lamang hindi nagsisi, kundi naging mas madaya at mapanlinlang ka pa. Nakikita ng Diyos na masyado kang mapagmatigas at masama, isang taong sa panlabas ay umaamin na nagkamali siya, at tinatanggap ang pagwawasto at pagpupungos, ngunit sa totoo lang ay walang saloobing nagsisisi kahit katiting. Bakit natin sinasabi ito? Dahil habang ang kaganapang ito ay nangyayari o nang matapos na ito, hindi mo man lang hinanap ang katotohanan, hindi ka nagnilay at sumubok na kilalanin ang sarili mo, at hindi ka nagsagawa ayon sa katotohanan. Ang iyong saloobin ay gamitin ang mga pilosopiya, lohika, at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang problema. Sa totoo lang, iniiwasan mo ang problema, at binabalot ito sa isang malinis na pakete para walang makitang bakas nito ang ibang tao, wala kang hinahayaang makalusot. Sa huli, pakiramdam mo ay medyo matalino ka. Ito ang mga bagay na nakikita ng Diyos, sa halip na ang tunay mong pagninilay-nilay, pagtatapat, at pagsisisi sa iyong kasalanan sa harap ng usaping sumapit sa iyo, at pagkatapos ay patuloy na paghahanap sa katotohanan at pagsasagawa ayon sa katotohanan. Ang saloobin mo ay hindi saloobin na hanapin ang katotohanan o isagawa ang katotohanan, ni hindi ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga plano ng Diyos, kundi ang saloobin na gumagamit ng mga diskarte at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang iyong problema. Binibigyan mo ng maling impresyon ang iba at ayaw mong mailantad ka ng Diyos, at ipinagtatanggol mo ang sarili mo at nakikipagtalo hinggil sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo. Ang iyong puso ay mas sarado kaysa dati at nakahiwalay sa Diyos. Kung gayon, maaari bang may anumang magandang resulta na magmula rito? Maaari ka pa rin bang mamuhay sa liwanag, nang tinatamasa ang kapayapaan at kagalakan? Hindi na maaari. Kung lalayuan mo ang katotohanan at ang Diyos, tiyak na mahuhulog ka sa kadiliman, tatangis, at magngangalit ng iyong mga ngipin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanilang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). Inihahayag ng Diyos na sa mga lumalabag sa mga prinsipyo sa kanilang tungkulin at gumagambala sa gawain, kung tatabasan at iwawasto sila, ang mga nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan ay kayang hanapin ang katotohanan mula roon, nagninilay-nilay sila sa sarili at natututo kung saan sila nagkamali, kung anong mga tiwaling disposisyon ang kanilang ipinakita, at kung paano dapat lutasin ang mga ito. Pagkatapos, magagawa na nila ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo. Ito ang tunay na pagtanggap sa pagkakawasto at pagpapakita ng tunay na pagsisisi. Pero kapag ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay iwinawasto, maaaring pasalita nilang inaamin na nagkamali sila, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan o pinagninilayan ang sarili para makilala ang kanilang sarili. Sa halip, gumagamit sila ng mga madaya at tusong pamamaraan para magbalatkayo, hindi nila hinahayaan ang iba na makita ang kanilang mga isyu para maprotektahan nila ang kanilang sarili. Ang gayong uri ng tao ay hindi lamang tuso; masama rin sila. Inihambing ko ang sarili ko sa kung ano ang ipinahayag sa mga salita ng Diyos. Noong una akong maging lider, wala akong maraming alam na prinsipyo at hindi ko siniyasat ang mga ito; ginawa ko lang ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan. Nakakagambala iyon sa gawain. Tinukoy ng lider ang problema ko para matulungan ako. Pero bagamat inamin kong nagkamali ako, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko pagkatapos niyon, o nagsikap na unawain ang mga prinsipyo. Nagkaroon lang ako ng mga haka-haka at nanatiling mapagbantay, iniisip ko na dahil nahalata na ako ng lider, maaari akong matanggal kung makagawa ako ng isa pang pagkakamali, at pagkatapos ay hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan. Nagpanggap ako sa bawat pagkakataon para protektahan ang sarili, hindi ko ipinapakita ang aking mga isyu o pagkukulang. Naging maingat talaga ako sa lahat ng sinasabi at ginagawa ko. Tinitimbang ko ang mga ikabubuti at ikasasama bago ako magbanggit ng isyu o magpahayag ng opinyon, isinasaalang-alang ko ang mga konsekuwensiya kung sakaling magkamali ako at kung maaari ba akong maiwasto dahil dito. Sinasabi ko lang ang isang bagay kung masisiguro kong magiging maayos ang lahat. Ngunit wala akong sinasabi tungkol sa anumang bagay na hindi ako sigurado, hindi ko isinasaalang-alang kung paano maaapektuhan ang gawain kung babalewalain ang problema. At upang hindi managot, nang kinailangan kong pumili ng tao, hiningi ko ang opinyon ng mga katrabaho ko, pero ginawa ko lang ito para magpakitang-tao. Bagamat hindi ako panatag sa kanilang mungkahi, hindi na ako nagsiyasat pa, kaya maling tao ang napili. Nakapipinsala iyon sa mga kapatid pati na rin sa gawain. Nakita ko na kapag tinatabasan at iwinawasto ako, hindi man lang ako nagpapakita ng anumang pagsisisi. Lalo lang akong nagiging tuso at mapanlinlang, patuloy na iniisip kung paano ko iiwasang magkamali at mapuna, palaging mapagbantay laban sa Diyos at sa mga lider. Ang paggawa ng tungkulin ko sa ganoong paraan ay kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos. Hindi ko kailanman makukuha ang gawain at patnubay ng Banal na Espiritu sa ganoong paraan. Kung hindi ako magsisisi, alam ko na itataboy at palalayasin ako ng Diyos sa huli.

Sa aking mga debosyonal minsan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagkakawasto, na nakatulong sa akin na maunawaan ang sarili kong problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang ilang anticristo na nagtatrabaho sa sambahayan ng Diyos ay tahimik na nagpapasyang kumilos nang napakaingat, para maiwasang magkamali, mapungusan at maiwasto, galitin ang Itaas o mahuli ng kanilang lider na gumagawa ng masama, at tinitiyak nila na may nanonood kapag gumagawa sila ng mabubuting gawa. Subalit, gaano man sila kaingat, dahil sa mali ang kanilang simula at tumatahak sila sa maling landas, kumikilos lamang alang-alang sa reputasyon at katayuan at hindi kailanman naghahanap ng katotohanan, madalas nilang labagin ang mga prinsipyo, gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, kumilos bilang mga alipin ni Satanas at madalas pa ngang gumawa ng mga paglabag. Lubhang karaniwan para sa gayong mga tao na lumabag nang madalas sa mga prinsipyo at gumawa ng mga paglabag. Kaya, mangyari pa, mahirap para sa kanila na iwasang mapungusan at maiwasto. Ngayon, bakit napakaingat kumilos ng mga anticristo kapag hindi sila pinupungusan at iwinawasto? Ang isang dahilan, sigurado, ay na iniisip nilang, ‘Kailangan kong mag-ingat—tutal, “Sa pag-iingat nagmumula ang kaligtasan” at “Ang mabubuti ay may mapayapang buhay.” Kailangan kong sundin ang mga prinsipyong ito at paalalahanan ang sarili ko sa bawat sandali na iwasang gumawa ng mali o mapasok sa gulo, at kailangan kong pigilan ang aking katiwalian at mga intensyon. Basta’t hindi ako gumagawa ng mali at magtitiyaga ako hanggang sa huli, magtatamo ako ng mga pagpapala, makaiiwas sa mga kapahamakan, at magtatagumpay sa aking paniniwala sa Diyos!’ Madalas nilang himukin ang kanilang sarili, engganyuhin at hikayatin ang kanilang sarili sa ganitong paraan. Naniniwala sila na kung gagawa sila ng mali, labis na mababawasan ang kanilang mga pagkakataong magtamo ng mga pagpapala. Hindi ba ito ang kalkulasyon at paniniwalang nasa kaibuturan ng kanilang puso? Kung isasantabi kung tama ba o mali ang kalkulasyon o paniniwalang ito ng mga anticristo, batay sa paniniwalang ito, ano ang lubos nilang ipag-aalala kapag iwinawasto at pinupungusan sila? (Ang kanilang mga inaasam-asam at kapalaran.) Iniuugnay nila ang maiwasto at mapungusan sa kanilang mga inaasam-asam at kapalaran—may kinalaman ito sa kanilang likas na kasamaan. Iniisip nila sa kanilang sarili: ‘Iwinawasto ba ako nang ganito dahil palalayasin ako ng Diyos? Dahil kaya ayaw sa akin ng Diyos? Patitigilin ba ako ng sambahayan ng Diyos sa pagganap sa tungkuling ito? Hindi ba ako mukhang mapagkakatiwalaan? Papalitan ba ako ng iba na mas magaling? Kung mapalalayas ako, pagpapalain ba rin ba ako? Makapapasok pa rin ba ako sa kaharian ng langit? Mukhang hindi naging masyadong kasiya-siya ang aking pagganap, kaya kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap, at matutong maging masunurin at kumilos nang maayos, at hindi gumawa ng gulo. Kailangan kong matutong maging mapagpasensiya, at patuloy na mabuhay sa pamamagitan ng pag-iwas sa gulo. Araw-araw, kapag gumagawa ako ng mga bagay-bagay, kailangan kong maging lubos na maingat. Hindi ako maaaring maging kampante. Bagama’t walang-ingat kong nailantad ang sarili ko sa pagkakataong ito at naiwasto at napungusan ako, mukhang hindi naman masyadong malubha ang problema. Tila may tsansa pa rin ako—makatatakas pa rin ako sa mga kapahamakan at mapagpapala pa rin, kaya dapat na tanggapin ko na lang ito nang mapagkumbaba. Mukhang hindi naman ako papalitan, lalong hindi ako mapalalayas o matitiwalag, kaya matatanggap ko ang maiwasto at mapungusan sa ganitong paraan.’ Isang saloobin ba ito ng pagtanggap sa pagwawasto at pagpupungos? Tunay ba itong pagkilala ng isang tao sa kanyang tiwaling disposisyon? Talaga bang pagnanais ito na magsisi at magbagong-buhay? Pagiging tunay na determinado ba itong kumilos ayon sa mga prinsipyo? Hindi. Kung gayon ay bakit sila kumikilos nang ganito? Dahil sa kaunting pag-asa na maaari nilang iwasan ang mga kapahamakan at mapagpapala sila. Hangga’t naroon pa rin ang kaunting pag-asa na iyon, hindi nila maaaring ilantad ang kanilang sarili, hindi nila maaaring ihayag ang tunay nilang pagkatao, hindi nila maaaring sabihin sa iba kung ano ang nasa kaibuturan ng kanilang puso, at hindi nila maaaring hayaang malaman ng iba ang kinikimkim nilang sama ng loob. Kailangan nilang itago ang kanilang sarili, kailangan nilang mag-ingat sa pagkilos, at hindi tulutang makita ng iba ang tunay nilang pagkatao. Samakatwid, hindi talaga sila nagbabago matapos mapungusan at maiwasto, at patuloy nilang ginagawa ang mga bagay-bagay na tulad ng dati nilang ginagawa. Kaya, ano ang prinsipyo sa likod ng kanilang mga kilos? Para lamang protektahan ang sarili nilang mga interes sa lahat ng bagay. Anumang mga pagkakamali ang magawa nila, hindi nila ipinapaalam iyon sa iba; kailangan nilang ipaisip sa lahat ng nasa paligid nila na perpekto silang tao na walang mga kapintasan o depekto, at na hindi sila nagkakamali kailanman. Ganito sila kung magbalatkayo. Matapos ng matagal nilang pagbabalatkayo, nagiging tiwala sila na kahit papaano ay tiyak na makakaiwas sila sa kapahamakan, mapagpapala sila, at makapapasok sa kaharian ng langit(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na kapag iwinawasto ang mga anticristo dahil sa paglabag sa mga prinsipyo o paggawa ng masama, ang pinaka-inaalala nila ay ang mapalayas, pagkatapos ay ang hindi makakuha ng anumang pagpapala. Kaya’t lubha silang nagiging maingat sa ginagawa nila pagkatapos niyon, nagiging mapagbantay sila laban sa Diyos at sa tao. Iniisip nila na hangga’t wala silang ginagawang mali at hindi nila inilalantad ang kanilang mga kapintasan para matuklasan ng iba, mapanghahawakan nila ang kanilang posisyon at magiging tiyak ang kanilang mga pagpapala. Nakita ko na lubhang makasarili, kasuklam-suklam, tuso, at masama ang mga anticristo. Nananalig lang sila sa Diyos para sa mga pagpapala. Kapag iwinawasto sila, ang iniisip lang nila ay ang sarili nilang kinabukasan at mga interes. Maaaring maging maayos silang kumilos at maging masunurin sa loob ng ilang panahon, pero ito ay pagpapanggap lang, para makapanatili sila sa iglesia at makaiwas sa mga sakuna. Nakita ko na ang saloobin ko sa pagkakawasto ay katulad lang ng kung paano kumikilos ang mga anticristo, iniuugnay nila ang kritisismo sa pagtanggap ng mga pagpapala. Nang mapagsabihan ako, tinantiya ko kung tatanggalin ba ako ng lider, at nag-alala ako kung magkakaroon ba ako ng magandang kinabukasan at hantungan. Labis akong nag-ingat sa aking tungkulin pagkatapos niyon. Inisip ko nang inisip ang anumang mungkahi o isyung nabanggit ko, takot na takot na akong magkamali at mailantad ang aking mga kakulangan. Tapos ay malalaman ng lider ang katangian ko at tatanggalin ako. Hindi ko pa talaga natatanggap ang pagkakawasto sa akin dati, o pinagnilayan ang sarili ko at nakita ang mga pagkakamali ko. Bulag lang akong naging mapagbantay laban sa Diyos at gumamit pa ako ng mas mapanlinlang na mga taktika para magpanggap. Inakala ko na hangga’t itinatago ko ang aking mga kakulangan at hindi na ako nagkakamali pa o napupuna, hindi ako matatanggal, at pagkatapos ay maaari akong manatili sa iglesia at magkakaroon ng magandang kalalabasan at hantungan sa huli. Lagi akong nag-iingat sa Diyos, nag-iisip nang husto para kalkulahin ang aking mga personal na pakinabang o kawalan. Nakakita ako ng mga isyu pero hindi ako naghanap o iniulat ang mga ito. Inalala ko lang ang pag-iingat sa sarili at hindi isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Lubha akong makasarili at tuso. Sa pagpapanggap nang ganoon, bagamat maaari kong lokohin ang lider nang ilang panahon at hindi ako matatanggal kaagad, kung hindi ako magninilay-nilay sa sarili, magsisisi, o magbabago kahit kailan, ilalantad at palalayasin ako ng Diyos sa malao’t madali. Nang mapagtanto iyon, nagdasal ako, handa nang magsisi, at hanapin ang katotohanan para malutas ang aking problema.

Sa aking paghahanap, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos tungkol sa kung paano harapin nang tama ang pagkakawasto. “Ang totoo ay pinupungusan at iwinawasto ng sambahayan ng Diyos ang mga tao nang lubusan dahil kumikilos ang mga taong iyon nang ayon sa sariling kagustuhan kapag gumaganap ng kanilang mga tungkulin, ginugulo at ginagambala nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila nagninilay-nilay o nagsisisi. Kaya sila ay pinupungusan at iwinawasto. Kapag pinungusan at iwinasto ang mga tao sa ganitong klaseng sitwasyon, pinalalayas ba sila? (Hindi.) Talagang hindi, dapat magkaroon ng positibong pag-unawa ang mga tao tungkol sa mga bagay na ito. Sa kontekstong ito, ang mapungusan at maiwasto ay hindi masama at nakikinabang dito ang gawain ng iglesia, nagmumula man ito sa Diyos o sa ibang mga tao, mula sa mga lider at manggagawa o sa mga kapatid. Ang magawang pungusan at iwasto ang isang tao kapag kumikilos siya ayon sa sariling kagustuhan at ginagambala niya ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay isang matuwid at positibong bagay. Ito ang dapat gawin ng mga taong matwid at ng mga nagmamahal sa katotohanan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). “Kapag tinatabasan at iwinawasto, ano ang dapat malaman man lang ng mga tao? Dapat maranasan ang pagtatabas at pagwawasto para magampanan nang husto ang tungkulin ng isang tao—hindi puwedeng wala ito. Isa itong bagay na dapat harapin ng mga tao sa araw-araw at maranasan nang madalas sa kanilang pananampalataya sa Diyos at pagtatamo ng kaligtasan. Walang sinuman ang maaaring hindi matatabas at mawawasto. Ang pagtatabas at pagwawasto ba sa isang tao ay isang bagay na may kinalaman sa kanilang kinabukasan at kapalaran? (Hindi.) Para saan ba ang pagtatabas at pagwawasto sa isang tao? Ang mga ito ba ay para kondenahin ang mga tao? (Hindi, ito ay para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magampanan ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo.) Tama iyon. Iyon ang pinakatamang pagkaunawa ukol dito. Ang pagtatabas at pagwawasto sa isang tao ay isang uri ng disiplina, isang uri ng pagtutuwid, pero isa rin itong uri ng pagtulong sa mga tao. Ang pagtatabas at pagwawasto ay magtutulot sa iyo na mabago mo kaagad ang mga maling paghahangad mo. Tinutulutan ka nitong agarang matanto ang mga problemang kasalukuyang mayroon ka, at tinutulutan kang makita kaagad ang mga tiwaling disposisyong inilalantad mo. Anu’t anupaman, nakakatulong sa iyo ang pagtatabas at pagwawasto para matupad mo ang iyong mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, inililigtas ka nito sa tamang oras para hindi ka makagawa ng mga pagkakamali at malihis ng landas, at pinipigilan ka nito na makapagdulot ng mga trahedya. Hindi ba ito ang pinakamalaking tulong sa mga tao, ang kanilang pinakamalaking lunas? Dapat magawang tratuhin nang tama ng mga may konsensya at katwiran ang pagwawasto at pagpupungos sa kanila(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Natutunan ko sa mga salita Niya na isa itong paraan ng paglilinis at pagpeperpekto ng mga tao. Isa rin itong bagay na kailangan nating harapin at pagdaanan sa ating proseso ng paglago sa buhay. Ang pagtatabas at pagwawasto ay maaaring talagang malupit at matindi kung minsan, pero tinutugunan nito ang ating mga tiwaling disposisyon. Direkta nitong inilalantad at sinusuri ang ating katiwalian at pagsuway. Wala itong anumang masamang hangarin sa atin, at hindi ito para kondenahin at palayasin tayo—wala itong kaugnayan sa ating kinabukasan at kapalaran. Pero mali ang naging paniniwala ko na ang pagkakawasto ay pagkakakondena, na matatanggal at mapapalayas ako. Ang maling pagkaunawa sa Diyos sa ganoong paraan ay pagtatatwa sa Kanyang pagiging matuwid, at paglalapastangan sa Kanya! Ang pagtatabas at pagwawasto sa akin ng lider ay pangunahing dahil sa pagiging mayabang at mapagmatigas ko, na nakakagambala sa gawain ng iglesia, na talaga namang nakakagalit. Ninais ng lider na gumawa ako ng mga pagbabago sa lalong madaling panahon para maprotektahan ang gawain ng iglesia. Normal lang na maging mahigpit ang tono niya, at hindi sa tinatanggal niya ako. Natukoy ng mga kritikal na salitang iyon ang pinakaugat ng mga problema at katiwalian ko at tinulutan ako ng mga ito na makita kung gaano kalubha ang isyu. Sobrang manhid at matigas ang puso ko, at kung wala iyon, lubusan ko sanang isinawalang-bahala ang mabubuting payo at palaging mauulit ang gayong pagkakamali. Hinding-hindi sana ako makakausad sa tungkulin ko. Patuloy akong gagawa ng masama at makakagambala sa gawain ng iglesia. Sa tuwing iwinawasto ako, maagap nitong itinutuwid ang aking mga paglihis at pagkakamali, pinipigilan ang aking kasamaan. Iyon ang tunay na pinakanakakatulong sa akin. Nang pag-isipan kong mabuti kung kailan ako nagtamo ng pinakamaraming pakinabang sa katotohanan, nagmula ito sa mga panahong nagkamali ako at nalugmok, at naiwasto. Talagang naramdaman ko na ang maiwasto ay ang pinakamainam at pinakamabisang pamamaraan ng Diyos sa paghatol at paglinis sa atin. Ang maranasan iyon ay biyaya at pagpapala ng Diyos, at ang Kanyang natatanging kabutihang-loob para sa akin. Pero hindi ko hinanap ang katotohanan o pinagnilayan ang sarili. Nagpatuloy lang akong mamuhay sa mga maling pagkakaunawa sa Diyos, nag-aalala tungkol sa kinabukasan at kapalaran ko. Masyado akong hindi makatwiran, at hindi ko alam kung ano ang makakabuti para sa akin.

Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa isang pagtitipon minsan, at talagang naantig ako nito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung palaging nagpaplano ang isang tao para sa sarili niyang mga interes at mga pagkakataon kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi ito paggawa ng tungkulin. Ito ay oportunismo, paggawa ng mga bagay para sa sarili niyang pakinabang at para makapagtamo ng mga pagpapala para sa kanyang sarili. Sa ganitong paraan, nagbabago ang kalikasan sa likod ng pagganap niya sa kanyang tungkulin. Tungkol lamang ito sa pakikipagtawaran sa Diyos, at pagnanais na gamitin ang pagganap sa kanyang tungkulin para makamit ang sarili niyang mga mithiin. Ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay napakadaling makagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung maliliit na kawalan lamang ang nadudulot nito sa gawain ng iglesia, may oportunidad pa ring makabawi at maaari pa rin siyang mabigyan ng pagkakataong isagawa ang kanyang tungkulin, sa halip na mapaalis; ngunit kung malalaking kawalan ang idinudulot nito sa gawain ng iglesia at nagsasanhi ito na mapoot ang Diyos at ang mga tao, ilalantad siya at palalayasin, mawawalan na siya ng pagkakataong isagawa ang kanyang mga tungkulin. Ang ilang tao ay tinatanggal at pinalalayas sa ganitong paraan. Bakit sila pinalalayas? Nalaman na ba ninyo ang ugat na dahilan? Ang ugat na dahilan ay na lagi nilang iniisip ang mapapala nila at mawawala sa kanila, nadadala sila ng sarili nilang mga interes, hindi nila matalikuran ang laman, at wala talaga silang saloobin na nagpapasakop sa Diyos, kaya may tendensiya silang kumilos nang walang ingat. Naniniwala sila sa Diyos para lamang magtamo ng pakinabang, biyaya, at mga pagpapala, sa halip na magtamo ng kahit kaunting katotohanan, kaya nabibigo ang kanilang paniniwala sa Diyos. Ito ang ugat ng problema. Sa palagay ba ninyo ay hindi makatarungan ang ilantad sila at palayasin? Ganap itong makatarungan, ito ay lubos na itinatakda ng kanilang kalikasan. Sinumang hindi nagmamahal sa katotohanan o naghahangad ng katotohanan ay malalantad at mapalalayas kalaunan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Magagampanan nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Sabi ng Diyos, kung palagi kang nagsasaalang-alang at nagpaplano para sa sarili mong mga interes at kinabukasan sa iyong tungkulin, ang kalikasan ng ginagawa mo ay nagbago na, at hindi na ito paggawa ng tungkulin. Siguradong hahantong ka sa paggawa ng masama at paggambala sa gawain ng iglesia, pagkatapos ay matatanggal at mapapalayas ka. Bago lang ako sa pagiging lider at hindi ko alam ang mga prinsipyo. Karaniwang ginagawa ko lang ang anumang gustuhin ko. Hindi ako nagsisi pagkatapos maiwasto, bagkus ay patuloy kong isinaalang-alang ang aking sariling kapalaran at natakot ako na mailipat. Malinaw kong nakita ang mga problema, pero upang maiwasang magkamali, mas pinili kong maantala ang gawain kaysa tukuyin ang mga problema. Hindi ito paggawa ng tungkulin; ito ay pagkompromiso sa gawain ng iglesia at paggawa ng masama. Ang ilang taong nakita kong natanggal at napalayas ay palaging pinoprotektahan ang sarili nilang mga interes sa kanilang tungkulin. Pagkatapos lumitaw ang mga problema at iwinasto sila, hindi sila gaanong nagsikap sa mga prinsipyo ng katotohanan, kundi nagpanggap lamang, nagiging mapagbantay laban sa Diyos at sa mga lider. Palagi silang nag-aalala na matanggal at mapalayas, palaging namumuhay sa masamang siklo na ito. Hindi normal ang kanilang relasyon sa Diyos at hindi sila kailanman nakakakuha ng mga resulta sa kanilang tungkulin. Ang ilan ay gumawa pa nga ng masama at nakagambala sa gawain ng iglesia. Nalantad at napalayas sila sa huli. Nakita ko mula sa mga kabiguan nila na napakahalaga ng tamang motibo at ng pinagmumulan ng pananalig at tungkulin ng isang tao, at kung anong landas ang pinipili niya. Direktang nakakaapekto ang mga ito sa kanilang kalalabasan at hantungan. Ang aking kalagayan, pag-uugali, at ang landas na tinatahak ko ay katulad ng sa mga taong iyon. Dahil lagi akong natatakot na magkamali at mapagsabihan, naging matatakutin at mapagbantay ako laban sa Diyos, mahigpit na kumakapit sa sarili kong mga interes at kinabukasan, ngunit bihira kong hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan para malutas ang anumang problema ko na binabanggit ng lider. Kung nagpatuloy pa iyon nang mas matagal, hindi lamang ako mabibigong umusad sa aking tungkulin, mapipinsala pa niyon ang gawain at makapagdudulot ng isang paglabag. Malubha ang kalikasan at mga kahihinatnan niyon. Hindi iyon paglalantad at pagpapalayas ng Diyos sa akin, kundi pagsisira ko sa sarili kong kinabukasan. Doon ko napagtanto na ang pinakakailangan kong gawin noon ay hindi ang mag-alala kung tatanggalin ba ako at palalayasin, kundi ang tunay na pagnilayan ang mga isyung tinutukoy ng lider, pagsikapan na hanapin at isaalang-alang ang mga prinsipyo ng katotohanan, at magsikap na sundin ang mga prinsipyo. Kung hindi pa rin ako makakagawa nang maayos habang ibinibigay ko na ang lahat, at matatanggal ako, kailangan kong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos.

Pagkatapos ay natagpuan ko ang ilan pang salita ng Diyos na dapat isagawa at pasukin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay ipinag-aalala ninyo nang lubos. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang maingat, magiging katumbas ito ng hindi pagkakaroon ng hantungan at ng pagkawasak ng inyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang saysay? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong nagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa paniniwala ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang. Nasabi Ko na noon na hindi Ko ninanais na Ako ay bolahin o kunwari’y hangaan, o pakitunguhan Ako nang may lubos na kasiglahan. Nais Ko na ang mga matapat na tao ay humarap sa Aking katotohanan at Aking mga inaasahan. Higit pa rito, naiibigan Ko sa tuwing ang mga tao ay nakakayang magpakita ng lubos na pangangalaga at pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag nagagawa pa nilang isuko ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan). “Sa Diyos, at sa kanilang tungkulin, dapat magkaroon ang mga tao ng matapat na puso. Kung mayroon sila nito, sila ay magiging mga taong may takot sa Diyos. Anong klase ng saloobin sa Diyos ang mayroon ang mga taong may matapat na puso? Kahit paano, mayroon silang puso na may takot sa Diyos, isang puso na sumusunod sa Diyos sa lahat ng bagay, hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, wala silang binabanggit na mga kondisyon, ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa awa ng Diyos—ito ang mga taong may matapat na puso(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Magagampanan nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Sabi ng Diyos, ang mga taong laging isinasaalang-alang ang kanilang sariling kinabukasan at hantungan sa kanilang tungkulin at sariling mga interes lamang ang iniisip, ay mga hindi tapat sa Diyos, bagkus ay ginagamit at dinadaya lang Siya. Kinasusuklaman sila ng Diyos; Kinamumuhian Niya sila. Gusto ng Diyos ang matatapat na tao na walang pakialam sa mga pagpapala o sumpa, walang mga kondisyon, at mga tapat sa kanilang tungkulin. Tanging ang gayong uri ng tao ang nakakakuha ng pagsang-ayon ng Diyos. Sa sandaling naunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sa aking tungkulin, kailangan kong tumuon sa pagsisikap na maging isang matapat na tao, buksan ang puso ko sa Diyos, at bitiwan ang mga pansariling pakinabang o kawalan. Kapag iwinawasto, anuman ang saloobin ng lider sa akin, at kung matatanggal man ako o hindi, dapat kong hanapin ang mga prinsipyo para magawa ko nang maayos ang aking tungkulin—iyon ang mahalaga. Noong panahong iyon, pangunahing iwinasto ako ng lider dahil sa pagiging mayabang, mapagtiwala sa sarili, at paggawa ng mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto ko. Kung hindi natugunan ang problemang iyon, malamang ay patuloy akong kikilos sa ganoong paraan. Kaya ibinuod ko ang bawat isa sa mga problemang lumitaw, at isa-isang inihambing ang mga ito sa mga prinsipyo. Kung hindi malinaw sa akin ang isang bagay, nakikipagbahaginan ako sa iba. Kapag nahaharap ako sa isang bagay na hindi ako sigurado pagkatapos niyon, hindi na ako agad na nagtitiwala sa sarili, at hindi ko na ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili kong kapritso. Nagdarasal ako sa Diyos at tahimik na hinahanap ang mga prinsipyo. Tinatalakay ko rin ang mga bagay-bagay sa mga katrabaho ko hanggang sa may mapagkasunduan kami. Matapos gawin iyon nang ilang panahon, mas kaunting pagkakamali na lang ang lumilitaw. Kapag nahaharap ako sa isang pagsubok na hindi ko talaga kayang lutasin, hinihingi ko ang tulong ng mga nakatataas na lider. Minsan, noong may tinatanong ako, medyo nag-aalinlangan pa rin ako matapos magbahagi ang nakatataas na lider. Pakiramdam ko ay mayroon pa akong ilang katanungan at gusto kong banggitin ang mga ito, pero natatakot ako na walang katuturan ang mga tanong na ito, baka sabihin ng lider na wala akong kakayahan at walang kabatiran. Habang nag-aalangan ako, napagtanto ko na nag-aalala na naman ako sa sarili kong mga pakinabang at kawalan. Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, handa nang isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao. Tumpak man o hindi ang pagkakaintindi ko sa isyu, handa akong itama ang aking mga motibo at magkaroon ng kalinawan sa aspetong ito ng katotohanan. Sa huli, nakaipon ako ng lakas ng loob para sabihin ang mga katanungan ko. Matapos makinig sa akin, sinabi ng lider na mga problema nga ang mga iyon. Nagbahagi rin siya, “Kung mayroon pa ring hindi malinaw, na hindi pa ganap na natugunan, kailangan mo itong sabihin kaagad. Makakatulong iyon sa gawain ng iglesia.” Nang marinig ko ang sinabi ng lider, talagang laking pasasalamat ko sa Diyos, at naramdaman ko ang kapayapaan ng loob na dulot ng pagbitiw sa mga pansariling interes at ng pagiging isang matapat na tao.

Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, natutunan ko kung paanong talagang nakakabuti para sa atin ang maiwasto. Maaaring mahirap ang maiwasto, pero ngayon, nahaharap ko na ito nang tama, at nagagawa ko nang magpasakop, hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan, at lutasin ang aking problema. Lubos na gumaan ang pakiramdam ko dahil dito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Napakasakit na Pagpili

Ni Alina, EspanyaNoong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at hindi nagtagal ay nahalal akong...

Ang Karanasan sa Pagsasagawa ng Katotohanan

Yaong mga nagkukusang isagawa ang katotohanan ay makakakaya ng halaga at makakayang tanggapin ang mga paghihirap na kaakibat. Maliwanag, ang kanlang puso ay puno ng kaligayahan at kasiyahan. Yaong mga nagsasagawa ng katotohanan ay hindi kailanman dadaan lamang sa mga galaw dahil hindi nila ginagawa ito bilang palabas lamang.