Ano ang Pumigil sa Akin sa Pagsasalita nang Matapat?

Pebrero 18, 2024

Ni Chen Xi, Tsina

Kamusta,

Zheng Xin!

Sa huling sulat mo, nabanggit mo na ang sister na ipinares sa iyo ay walang prinsipyo, mapagmagaling, at pabasta-basta. Ginusto mong banggitin ito sa kanya pero natakot kang hindi niya tanggapin, magkaroon siya ng masamang opinyon sa iyo, at hindi kayo makakapagtulungan. Nagtalo ang kalooban mo at hindi mo alam kung paano lutasin ang kalagayang ito. Naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Pangunahing umiiral ang problemang ito dahil namumuhay tayo ayon sa mga satanikong pilosopiya, sinusubukang panatilihin ang ating mga relasyon at tumutuon sa kung ano ang tingin sa atin ng iba. Pinipigilan tayo ng mga bagay na ito at nagdudulot sa atin na matakot isagawa ang katotohanan at sumunod sa mga prinsipyo. Ako mismo ay nasa ganitong kalagayan noon, at sa paghahayag ng salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga maling pananaw at tiwaling disposisyon. Medyo nagbago na ako ngayon at hindi na ako napipigilan sa pagtukoy ng mga problema ng iba. Ikukuwento ko sa iyo ang karanasan ko. Sana ay makatulong ito sa iyo nang kaunti.

Dati akong gumagawa ng gawain ng iglesia kasama sina Zhou Fang at Liu Ying. Madalas nangingibabaw si Zhou Fang sa mga talakayan sa gawain. Kalaunan, dahil hindi kami nakakakuha ng magagandang resulta sa aming mga tungkulin, isinaayos ng lider na pangunahan ni Sister Zhang Ling ang gawain namin. Nakahanap si Zhang Ling ng mga problema sa gawain namin at nakatukoy ng mga landas ng pagsasagawa. Nang makitang nakikinig kami sa mga ideya niya, nagsimulang mainggit si Zhou Fang. Sa panahon ng mga talakayan sa gawain, kahit na malinaw na tama ang mga pananaw ni Zhang Ling, gumagawa ng mga paraan si Zhou Fang para ipawalang-saysay ang mga ito, na lubos na nagpapahirap na makapagpatuloy sa mga talakayan sa gawain. Gusto kong sabihin ito kay Zhou Fang, pero naisip ko na hindi naman maiiwasan ang kaunting alitan sa simula ng pagtutulungan, kaya hindi ko na ito pinagkaabalahan pa. Nagpatuloy si Zhang Ling sa masusing pagsubaybay sa gawain, at maagap na nagbabahagi ng mga solusyon kapag nakakakita siya ng mga problema, na lubos na nagpapabuti sa kahusayan namin. Pero nagsimulang ipahiwatig ni Zhou Fang na sinisikap ni Zhang Ling na pagandahin ang kanyang reputasyon, gusto nito ng mabilis na tagumpay, at gumagawa ito para sa katayuan. Ang mga ipinapahiwatig niya ay mapanghusga, mapanghamak, at naglalayong maghasik ng hidwaan, na nagdulot kay Liu Ying na simulan ding kalabanin si Zhang Ling. Naisip ko na lubhang seryoso ang problema ni Zhou Fang nang makita ko siyang pinoprotektahan ang kanyang katayuan, at hinahamak at itinatakwil si Zhang Ling. Nabubunyag kay Zhou Fang ang isang anticristong disposisyon at tinatahak niya ang landas ng isang anticristo. Ginusto kong maglaan ng sandali para makipagbahaginan sa diwa nito sa kanya, pero hindi talaga ako makapagsalita. Para bang tinahi ang mga labi ko. Ang kalagayan ko noon ay katulad ng kalagayan mo ngayon. Puno ako ng pangamba. Natakot ako na kung ilalantad ko si Zhou Fang na tumatahak sa landas ng isang anticristo, magkakaroon siya ng masamang pagtingin sa akin, magiging malupit, o itatakwil ako gaya ng ginawa niya kay Zhang Ling. Ayaw kong ipaalam ang mga problema niya at nakahanap ako ng ilang dahilan para aluin ang sarili ko: “Hindi naman sa hindi niya kilala ang sarili niya, dahil alam niya ang pagkahumaling niya sa kabantugan at katayuan noon. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi madali; pinakamainam na huwag siyang madaliin at hayaan siyang pagnilayan ito.”

Pagkatapos nito, sa tuwing naiisip ko kung paanong hindi ko tinutulungan si Zhou Fang o ipinapaalam ang mga problema niya sa kanya, nakokonsensya talaga ako. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para hindi mapigilan ng aking tiwaling disposisyon at masabi ang totoo. Sa mga sumunod na araw, nakakita ako ng isang video ng patotoo kung saan ang karanasan ng bida ay katulad ng kalagayan ko. Ang sister na kasama niya sa kanyang tungkulin ay palaging nakikipagkumpitensya para sa katayuan at mga tagumpay, na nakakaapekto sa gawain ng iglesia, kaya gusto niyang iulat ang problema sa lider. Pero dahil natakot siyang mapasama ang loob ng kanyang kapareha, ipinagpaliban niya ang pag-ulat. Nang lubhang iwinasto ang bida, ay saka lang siya nagsimulang magnilay-nilay. Pagkatapos ay nabasa niya ang isang sipi ng salita ng Diyos na labis na nakakaantig para sa akin. Sabi ng salita ng Diyos, “Lahat ng nananatiling pumapagitna sa mga usapin ang pinakamasama. Sinisikap nilang huwag mapasama ang loob ninuman, mahilig silang magpalugod ng mga tao, sumasabay sila sa agos, at walang makahalata sa kanila. Ang gayong tao ay isang buhay na Satanas!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon). Labis akong naapektuhan ng siping ito. Sinabi ng Diyos na ang mga nagkokompromiso ay ang pinakamasama at pinakamapanlinlang at sila ay mga buhay na diyablo. Hindi ba’t ganoon ang kalagayan ko? Alam kong lubhang seryoso ang problema ni Zhou Fang at nakakagambala na sa gawain ng iglesia, at na kailangan siyang mapaalalahanan kaagad, pero natakot akong mapasama ang loob niya, kaya wala akong sinabi at hindi ko prinotektahan ang gawain ng iglesia. Nagkokompromiso ako tulad ng inilarawan ng Diyos at isa akong taong kinasusuklaman ng Diyos. Mahirap para sa akin na tanggapin ito, kaya’t nagpasya ako na hindi na maging isang mapanlinlang na mapagpalugod ng tao. Kailangan kong itaguyod ang mga prinsipyo at protektahan ang gawain ng iglesia, at alam kong kailangan kong humanap ng oras para ipaalam kay Zhou Fang ang problema niya. Pero noong araw ding iyon, nagulat ako nang unang tinukoy ni Zhou Fang ang mga problema ko. Sinabi niyang naghahanap ako ng katanyagan at katayuan sa tungkulin ko at na ginagamit ko ang katayuan ko para pagalitan ang mga tao. Nakita kong napakabigat ng sarili kong mga problema kaya nawalan ako ng lakas ng loob na tukuyin pa ang mga isyu niya, isinantabi ko na lang ang balak kong sabihin, at wala akong sinabi tungkol sa kanyang paghahangad ng katanyagan at katayuan o pagtahak sa landas ng anticristo. Naalala ko noon na hiniling niya sa akin na sabihin ko sa kanya kapag nakita kong may anumang problema sa kanya, para makilala niya ang mga ito at magbago. Hindi ako tapat nang sinabi ko sa kanya, “Hindi, walang problema sa iyo.” Sa totoo lang, marami akong gustong sabihin pero hindi ako nangahas na sabihin ito, dahil nag-alala ako na baka isipin niyang sinusubukan kong gantihan siya, at na magiging mahirap na makipagtulungan kung masama ang tingin niya sa akin. Kaya, para hindi siya mapahiya, wala akong sinabi. Napuno ako ng panunumbat sa sarili at pagkakonsensya pagkatapos nito. Pakiramdam ko ay napakaduwag ko. Hindi ko man lang kayang magsabi ng ilang matatapat na salita, lalong hindi ko naisasagawa ang katotohanan. Ilang panahon akong hindi makakain o makatulog nang maayos at hindi ko mapakalma ang sarili ko sa mga pagtitipon. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Malinaw kong nakikita ang mga problema ng sister ko pero hindi ako makapagsalita sa sobra kong takot na mapasama ang loob niya! Napakaduwag ko at napakamakasarili. Ayaw kong magpatuloy nang ganito. Pakiusap, gabayan Mo po ako na matalikdan ang sarili ko at maging isang taong may pagpapahalaga sa katarungan.”

Pagkatapos nito, nabasa ko pa ang ilang salita ng Diyos. “‘Huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan’ ay naglalarawan ng isang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba na ikinintal ni Satanas sa mga tao. Nangangahulugan ito na kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, dapat mo silang bigyan ng kaunting laya. Hindi ka dapat maging masyadong malupit sa iba, hindi mo maaaring ilantad ang kanilang mga dating pagkakamali, kailangan mong panatilihin ang kanilang dignidad, hindi mo maaaring sirain ang magandang pakikitungo mo sa kanila, dapat kang maging mapagpatawad sa kanila, at iba pa. Ang kasabihang ito tungkol sa kabutihan ay karaniwang naglalarawan ng isang uri ng pilosopiya sa pamumuhay na nagdidikta sa pakikipag-ugnayan sa mga tao. May isang doktrina sa mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para maingatan ang isang pagkakaibigan, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon—na dapat niyang itaguyod ang mga prinsipyo ng hindi pag-atake sa dignidad ng iba o hindi paglalantad sa mga kakulangan nito. Lilinlangin nila ang isa’t isa, pagtataguan ang isa’t isa, iintrigahin ang isa’t isa; at bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para maingatan ang kanilang mga pagkakaibigan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil hindi mo alam kung paano ka pipinsalain ng isang tao matapos mong ilantad ang kanyang mga kakulangan o saktan siya at naging kaaway mo siya, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, ‘Huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan.’ Batay rito, kung gayon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing relasyong panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga relasyong panlipunan, hindi naihahandog ng mga tao ang kanilang damdamin, ni wala silang malalalim na pag-uusap, ni hindi nila sinasabi ang anumang gusto nila, ni sinasabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa isa’t isa, o ang mga salitang makakatulong sa isa’t isa. Sa halip, pinipili nila ang mga salitang masarap pakinggan para hindi nila masaktan ang isa’t isa. Ayaw nilang magkaroon ng kaaway. Ang layon nito ay para hindi maging banta sa kanyang sarili ang mga tao sa kanyang paligid. Kapag walang sinumang banta sa kanya, hindi ba’t namumuhay siya nang medyo maginhawa at payapa? Hindi ba ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa pariralang, ‘Huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, at ang layon ay pangalagaan ang sarili. Ang mga taong ganito ang pamumuhay ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit ano. Maingat sila laban sa isa’t isa, at tuso, at madiskarte, kinukuha ang kailangan nila mula sa relasyon. Hindi ba ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon na ‘Huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pamiminsala sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit para hindi masaktan ang sarili. Sa pagtingin sa ilang anggulo ng diwa, marangal na aral ba ang paggiit sa kabutihan ng mga tao na ‘huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na hindi mo dapat pasamain ang loob o saktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan; mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan, magiging estranghero sila na nadaraanan mo sa kalsada, o magiging kaaway mo. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao sa ganitong paraan? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa kabutihan? Hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya sa pamumuhay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 8). Inihayag ng salita ng Diyos na ang “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang” ay isang tuso at makamundong pilosopiya na itinanim ni Satanas sa mga tao. Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa ganitong uri ng pilosopiya, ginagamit at niloloko nila ang isa’t isa at nagiging mapagbantay laban sa isa’t isa. Hindi sila naglalakas-loob na magtapat o magsabi ng totoo sa sinuman. Lalo lang silang nagiging tuso at mapanlinlang. Namumuhay ako sa pilosopiyang ito na “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang” sa aking mga pakikitungo. Alam kong naiinggit si Zhou Fang kay Zhang Ling, na hinahamak at itinatakwil niya ito, na malubha ang diwa ng problemang ito, na nakakagambala ito sa gawain namin, at na kailangan itong ipaalam kay Zhou Fang, pero naramdaman ko na sa paggawa nito, malalantad ko ang mga pagkukulang niya at mapapahiya siya. Nag-alala rin ako na sasama ang tingin niya sa akin at hindi na siya makikipagtulungan nang maayos sa akin pagkatapos. Kaya, para mapanatili ang relasyon namin, wala akong sinabi, kontento na sa bahagyang pagbanggit sa isyu. Hindi ako gumamit ng salita ng Diyos para tukuyin ang diwa at kahihinatnan ng kanyang mga kilos. Nang tanungin niya ako kung may nakita akong ibang katiwalian sa kanya, alam kong may mga problema siya na hindi ko tinukoy, pero nagsinungaling lang ako at sinabing ayos lang siya. Harap-harapan ang mga kasinungalingang sinasabi ko, niloloko at nililinlang siya! Nakita kong hinahamak at itinatakwil ni Zhou Fang si Zhang Ling, pero umakto lang akong mabait at walang sinabi. Hindi ko isinasagawa ang katotohanan o pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Masyado akong tuso at mapanlinlang. Hinihiling ng Diyos na maging matapat tayo at pakitunguhan ang isa’t isa nang may katapatan, at kung nakikita nating namumuhay ang iba sa tiwaling disposisyon at tumatahak sa maling landas, o lumalabag sa mga prinsipyo, dapat tayong magbigay ng tulong at mahabag. Pero namumuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya. Nang may nakita akong naglalakad sa maling landas, hindi ko siya tinulungan. Wala akong habag. Hindi ko kailanman inilantad ang mga problema ng iba at natakot akong magsalita nang matapat at bigyan ng abala ang sarili ko. Wala akong sinabi nang makita ko ang problema ng iba para protektahan ang sarili kong mga interes at hindi magkaroon ng mga kaaway. Gumamit lang ako ng mga papuri at matatamis na pambobola. Bagamat mukhang nakakasundo ko ang mga tao, sa mga pakikisalamuha ko, mapagbantay ako, at nililinlang at ginagamit ko lang sila. Paanong normal na mga relasyon ang mga ito? Paanong tunay na pagkakaibigan ito? Wala man lang akong sinseridad. Akala ko noon na ang “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang” ay isang matalinong ideya na dapat sundin, na mapoprotektahan ko ang sarili ko, at hindi mapapasama ang loob ng sinuman o magkakaroon ng mga kaaway. Pero ipinakita sa akin ng paghahayag ng salita ng Diyos na ang mga prinsipyo gaya ng “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang” ay mga satanikong paraan ng pagtrato sa bagay-bagay at ginagawa nitong tiwali ang mga tao. Hinihikayat tayo nitong protektahan ang ating sarili, at ginagawa tayong higit na makasarili at mapanlinlang. Dahil dito, nanonood lang tayo nang hindi nagbabahagi o namumuna habang tinatahak ng iba ang maling landas at naaapektuhan ang gawain. Ganap akong walang habag at pagkatao.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos kalaunan. “Anuman ang mga sitwasyon, hangga’t nakagapos ka, kontrolado, at pinangingibabawan ng tiwaling disposisyon ni Satanas, ang lahat ng isinasabuhay mo, lahat ng ibinubunyag mo, at lahat ng ipinapahayag mo—o ang mga damdamin mo, mga iniisip at pananaw mo, at ang pamamaraan mo ng paggawa sa mga bagay-bagay—lahat ito ay nabibilang kay Satanas. Ang lahat ng ito ay lumalabag sa katotohanan at laban sa salita ng Diyos at sa katotohanan. Habang mas napapalayo ka sa salita ng Diyos at sa katotohanan, mas lalo kang nahuhulog sa bitag ni Satanas at nasisilo rito. … Sa isang banda, ang mga tao ay kontrolado ng mga tiwaling disposisyon at namumuhay sa bitag ni Satanas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan, kaisipan, at pananaw na bigay ni Satanas para malutas ang mga isyung nangyayari sa paligid nila. Sa kabilang banda, umaasa pa rin ang mga tao na matamo ang kapayapaan at kaligayahan mula sa Diyos. Gayunpaman, dahil palagi silang nakagapos sa tiwaling disposisyon ni Satanas at nakakulong sa bitag nito, na hindi magawang kusang lumaban at palayain ang kanilang mga sarili, nagpapatuloy silang lumalayo sa salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan. Bilang resulta, hindi kailanman nakakamit ng mga tao ang kaginhawahan, kaligayahan, kapayapaan, at mga pagpapalang ibinigay ng Diyos. Sa anong kalagayan namumuhay ang mga tao, sa huli? Bagamat handa silang hanapin ang katotohanan, hindi nila kayang magtagumpay sa gawain, at kahit na nais nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi nila kayang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, bagkus ay hindi sila makaalis sa kinaroroonan nila. Isa itong masakit na pagdurusa. Ang mga tao ay nabubuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas, kahit hindi nila gusto. Mas tila mga demonyo kaysa sa mga tao, madalas silang naninirahan sa madidilim na sulok, naghahanap ng mga kahiya-hiya at masasamang pamamaraan para lutasin ang maraming paghihirap na kinakaharap nila. Ang katunayan ay na sa kaibuturan ng kanilang isipan, handang maging mabuti ang mga tao at nananabik sa liwanag. Umaasa sila na mamuhay bilang mga tao, nang may dignidad. Umaasa rin sila na magagawa nilang hanapin ang katotohanan at umasa sa salita ng Diyos para mabuhay, ginagawang buhay at realidad nila ang salita ng Diyos, subalit hindi nila kailanman kayang isagawa ang katotohanan, at bagamat nauunawaan nila ang maraming doktrina, hindi nila malutas ang kanilang mga problema. Nakakulong ang mga tao sa mahirap na kalagayang ito, hindi makasulong at hindi gustong bumalik. Hindi sila makaalis doon, at ang pakiramdam ng naiipit ay isang paghihirap—matinding paghihirap. Ang mga tao mismo ay hindi kayang tanggapin ang katotohanan at hindi maisagawa ang salita ng Diyos, ngunit, sa mga isipan nila, sila ay nananabik pa rin sa liwanag, at hindi handang iwanan ang salita ng Diyos at ang tamang landas. Gayunpaman, hindi nila magawang makawala sa mga gapos at kontrol ng kanilang satanikong tiwaling disposisyon. Sa huli, maaari lamang silang mamuhay sa paghihirap at walang tunay na kaligayahan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 8). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na ang hindi ko paglalakas ng loob na magsalita kapag nakikita ang problema ng iba ay dahil itinuring kong mga positibong paniniwala kung paano mamuhay ang isang tao ang “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Akala ko ay pagkakaroon ito ng habag at mapoprotektahan ko ang sarili ko at hindi ako masasaktan. Naalala ko noong maliit ako, tinuruan ako ng lola ko na huwag tukuyin ang mga problema ng iba kapag sinusubukan kong makisama, o kung hindi, bibigyan ko lang ng problema ang sarili ko at hindi ako makakakuha ng katayuan sa lipunan. Akala ko ay may katuturan ang sinabi niya, kaya naging atubili ako sa pagtukoy ng mga pagkakamali ng iba at hindi ko kailanman inilantad ang mga problema nila. Nakakasundo ko nang maayos ang mga kaibigan ko at inakala ko talaga na ito ang sikreto sa pakikipag-ugnayan sa iba. Pakiramdam ko ay kahanga-hangang paraan ito ng pamumuhay at na ginawa ako nitong mabait na tao, at na kung hindi ako kakapit sa mga prinsipyong ito, hindi ako magiging isang mabuting tao. Umaasa ako sa mga satanikong pilosopiyang ito sa mga pakikisalamuha ko sa ibang miyembro. Nakita kong lumalabag ang iba sa mga prinsipyo at tumatahak sa maling landas at alam na alam ko na kailangan kong punahin at tulungan sila, pero napigilan ako ng mga satanikong pilosopiyang ito at hindi naglakas-loob na punahin ang iba. Ang mga pilosopiya ni Satanas ay parang lambat na nakagapos sa akin nang mahigpit, pinipigilan akong gumalaw, at lubusang kinokontrol ang puso ko. Hindi gaanong magaganda ang resulta sa gawain namin, kaya’t isinaayos ng iglesia na pangunahan kami ni Zhang Ling. Kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia. Pero bukod sa hindi nakipagtulungan si Zhou Fang kay Zhang Ling, inakusahan din niya ito ng paghahangad ng katanyagan, katayuan at mabilis na tagumpay nang makita niyang pumapasan ito ng responsibilidad at nagiging masipag at epektibo sa tungkulin nito. Hinamak niya ito, itinakwil, at inatake ang pagiging positibo nito. Hinusgahan din niya si Zhang Ling sa harap namin ni Liu Ying, sinisikap na isama rin kami sa pagtatakwil kay Zhang Ling. Itinakwil at inatake ni Zhou Fang si Zhang Ling para sa sarili niyang katayuan. Hindi ito normal na katiwalian. Isa itong anticristong disposisyon. Dapat ay ginampanan ko ang responsibilidad ko bilang kapareha niya at ipinaalam ito sa kanya, pero hindi man lang ako kumilos na parang kapareha niya, na nakaapekto sa gawain namin. Labis akong nakonsensya at kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagiging masyadong makasarili at iresponsable. Kahit na hindi ko tinukoy ang mga problema ni Zhou Fang, hindi siya nagkaroon ng mga pagkiling laban sa akin, at napanatili ang relasyon namin, alam kong hindi ko naisagawa ang katotohanan, at na nagkasala ako sa Diyos at na nasuklam Siya sa akin.

Nagpatuloy akong maghanap. Bakit hindi ko kayang ilantad ang mga problema ng iba kapag nakikita ko ang mga ito? Nabasa ko ang salita ng Diyos. “Ang salitang ‘ilantad’ sa pariralang ‘kailanman ay huwag mong ilantad ang mga kakulangan ng iba’ ay mabuti ba o masama? Ang salitang ‘ilantad’ ba ay may antas ng kahulugan na tumutukoy sa mga taong nahahayag o nalalantad sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Mula sa Aking pagkaunawa sa salitang ‘ilantad’ habang umiiral ito sa ganitong halimbawa ng wika ng tao, wala itong gayong kahulugan. Mas nangangahulugan ito na mapaminsalang ilantad ang kalikasan ng mga tao at ibunyag ang ilan sa kanilang mga problema at kakulangan, o ang ilang bagay at pag-uugali na lingid sa kaalaman ng iba, pati na rin ang ilang intriga o ideya at pananaw na tumatakbo sa palibot. Ito ang kahulugan ng salitang ‘ilantad’ sa pariralang ‘kailanman ay huwag mong ilantad ang mga kakulangan ng iba.’ Kung ang dalawang tao ay magkasundo at magkatapatang-loob, na walang mga hadlang sa pagitan nila, at umaasa silang makakuha ng pakinabang at tulong mula sa isa’t isa, magiging pinakamainam para sa kanila na mag-usap, malinaw na ipaliwanag ang mga problema ng bawat isa nang bukas at taos-puso. Ito ay nararapat, at hindi nito inilalantad ang mga pagkukulang ng iba. Kapag natuklasan mo ang mga problema ng ibang tao ngunit nakita mong hindi pa niya kayang tanggapin ang payo mo, huwag ka na lang magsalita ng kahit ano, para maiwasan ang away o alitan. Kung gusto mo siyang tulungan, maaari mo munang hingin ang kanyang opinyon at tanungin siya, ‘Nakikita kong medyo may problema ka, at nais kong bigyan ka ng kaunting payo. Hindi ko alam kung kaya mo itong tanggapin. Kung kaya mo, sasabihin ko sa iyo. Kung hindi mo kaya, sasarilinin ko muna ito sa ngayon at hindi magsasalita.’ Kapag sinabi nilang ‘Pinagkakatiwalaan kita. Anuman ang sabihin mo ay nararapat. Kaya kong tanggapin ang anumang bagay,’ ang ibig sabihin niyon ay nabigyan ka ng pahintulot, at maaari mo nang ipaalam ang kanilang mga problema nang paisa-isa. Hindi lamang nila lubusang tatanggapin ang sinabi mo, kundi makikinabang din sila mula rito, at maaari pa ring mapanatili ninyong dalawa ang isang normal na relasyon. Hindi ba’t pagtrato ito sa isa’t isa nang may sinseridad? (Oo.) Ito ang tamang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba; hindi ito katulad ng paglalantad ng mga pagkukulang ng iba. Ano ang ibig sabihin ng huwag ‘ilantad ang mga pagkukulang ng iba’ gaya ng pariralang pinag-uusapan? Nangangahulugan ito na huwag magsalita tungkol sa mga kakulangan ng iba, na huwag magsalita tungkol sa mga problemang iyon na pinakamaselan para sa isang tao, na huwag ilantad ang diwa ng isang problema, at huwag itong masyadong lantarang ibunyag. Nangangahulugan ito na magbigay lang ng ilang maiikling komento, sabihin ang mga bagay na palaging sinasabi ng lahat, sabihin ang mga bagay na naiintindihan na ng tao mismo, at huwag magbunyag ng mga pagkakamaling nagawa ng tao dati o mga sensitibong isyu. Kung kikilos ka nang ganito, anong pakinabang ang maidudulot nito sa ibang tao? Marahil ay hindi mo sila ininsulto o naging kaaway, pero ang nagawa mo ay hindi nakakatulong o nakakabuti sa kanila. Dahil dito, ang pariralang ‘kailanman ay huwag mong ilantad ang mga kakulangan ng iba’ mismo ay hindi tuwiran at isang anyo ng panlilinlang. Hindi ninyo magagawang tratuhin ang isa’t isa nang may katapatan. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagkimkim ng masasamang layunin; hindi ito ang tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba. Itinuturing pa nga ng mga hindi mananampalataya ang ‘kailanman ay huwag mong ilantad ang mga kakulangan ng iba’ bilang isang bagay na dapat gawin ng isang taong may marangal na kabutihan. Malinaw na isa itong mapanlinlang na pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba, na ginagamit ng mga tao para protektahan ang kanilang sarili; hindi talaga ito isang tamang sistema ng pakikipag-ugnayan. Ang mismong hindi paglalantad ng mga pagkukulang ng iba ay kawalan ng sinseridad; marahil ay may lihim na intensyon sa paglalantad ng mga pagkukulang ng iba(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 8). Katulad mo rin ako noon. Pakiramdam ko, ang pagtukoy sa mga problema sa mga tungkulin ng iba ay naglalantad sa kanilang mga pagkukulang at na nakakasakit ito sa kanila. Pakiramdam ko ay magkakaroon ako ng mga kaaway sa paggawa nito at maaapektuhan ang mga relasyon namin. Nakikita ko na ngayon na mali ang pananaw na ito at na hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay ayon sa salita ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na maging matapat tayo, pakitunguhan ang isa’t isa nang may katapatan, at magawang tulungan ang isa’t isa. Kapag nakikita nating lumalabag ang iba sa mga prinsipyo batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, o tumatahak sa maling landas, dapat nating tukuyin ang problema nila alinsunod sa katotohanan, ginagabayan sila sa pagkilala sa kanilang sarili. Bagamat mahirap tiisin ang maiwasto at mailantad, ginagawa ito para tulungan ang isang tao na makilala ang kanyang sarili. Ito ay tunay na pagkahabag at pagtulong. Ito ay pagprotekta sa gawain ng iglesia. Ang tinatawag na “paglalantad sa mga pagkukulang” ay hindi talaga nagbibigay ng taos-pusong tulong; sa halip, puno ito ng mga personal na motibasyon at pagkiling, umaasa sa isang tiwaling disposisyon para ilantad ang mga pagkukulang at kasamaan, nang-aatake, nanghuhusga, at nanghahamak para saktan at ipahiya ang iba. Hindi ito nagbibigay sa isang tao ng anumang landas. Nagdudulot lang ito ng pasakit at pagkanegatibo. Nakita kong naghahangad si Zhou Fang ng katanyagan at katayuan, nasa landas ng isang anticristo, at na naapektuhan niya ang gawain ng iglesia. Makakapagnilay-nilay siya sa aking pagbabahagi at pagpuna, at mauunawaan niya ang kanyang sarili. Mapoprotektahan nito ang gawain ng iglesia habang tinutulungan siya. Sa pagkatantong ito, medyo sumigla at gumaan ang pakiramdam ko at hindi na ako napipigilan ng mga maling pananaw.

Pagkatapos nito, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay-linaw sa mga prinsipyo kung paano pakitunguhan ang ibang kapatid. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa sambahayan ng Diyos, ano ang mga prinsipyo kung paano tinatrato ang mga tao? Dapat mong tratuhin ang lahat ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at dapat mong tratuhin nang patas ang bawat isa sa iyong mga kapatid. Paano sila tatratuhin nang patas? Ito ay dapat ibatay sa mga salita ng Diyos, sa kung sinong mga tao ang inililigtas ng Diyos, at kung sino ang pinalalayas Niya, kung sino ang gusto Niya, at kung sino ang kinamumuhian Niya; ito ang mga prinsipyo ng katotohanan. Dapat tratuhin ang mga kapatid nang may mapagmahal na pagtulong, at pagtanggap at pagpapasensya sa isa’t isa. Ang masasamang tao at mga walang pananalig ay dapat tukuyin, ihiwalay, at layuan. Sa paggawa nito, saka mo lamang tinatrato ang mga tao nang may mga prinsipyo. Bawat kapatid ay may mga kalakasan at pagkukulang, at lahat sila ay may mga tiwaling disposisyon, kaya kapag magkakasama ang mga tao, dapat nilang mapagmahal na tulungan ang isa’t isa, dapat silang maging mapagtanggap at mapagpasensya at hindi sila dapat maghanap ng mali o maging masyadong malupit. … Kailangan mong tingnan kung paano tinatrato ng Diyos ang mga taong mangmang at hangal, kung paano Niya tinatrato ang mga kulang sa gulang ang tayog, kung paano Niya tinatrato ang normal na mga pagpapamalas ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, at kung paano Niya tinatrato yaong mga may masamang hangarin. Pinapakitunguhan ng Diyos ang iba’t ibang tao ayon sa iba-ibang mga paraan, at mayroon din Siyang sari-saring pamamaraan ng pamamahala sa napakaraming kundisyon ng iba’t ibang mga tao. Kailangan mong maunawaan ang mga katotohanang ito. Kapag naunawaan mo na ang mga katotohanang ito, malalaman mo na sa gayon kung paano danasin ang mga bagay-bagay at tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko ang mga prinsipyo sa pagtulong sa mga kapatid. Dahil sa katiwalian ni Satanas, lahat tayo ay maraming tiwaling disposisyon. Tungkol sa mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, kung hindi naaapektuhan ang gawain, o kung masyadong kulang sa tayog ang isang tao, hindi mo pwedeng basta-basta sunggaban ang katiwalian o mga pagkukulang ng isang tao para ilantad at saktan siya. Ang ganitong uri ng sitwasyon ay kinakailangang umasa sa habag para positibong makapagbahagi at makatulong. Pero para sa mga tumatahak sa landas ng mga anticristo o may malulubhang tiwaling disposisyon, nakakagambala sa gawain ng iglesia, kung ang positibong pagbabahagi ay walang mga resulta, dapat silang tabasan at iwasto, at ilantad at suriin ang kanilang pag-uugali, para malaman nila ang diwa ng kanilang problema at tunay na magsisi. Kung hindi sila malalantad, hindi nila mapagninilayan o mauunawaan ang kanilang problema at patuloy nilang gagambalain ang gawain ng iglesia. Dapat tulungan ang mga tao ayon sa kanilang diwa, tayog, at natatanging sitwasyon. Hindi natin dapat laging ilantad at suriin kaagad ang mga problema ng mga tao, hindi rin natin dapat laging piliin ang pagpaparaya at pasensya. Ang ilang bagay ay hindi nakakaapekto sa gawain at nangangailangan ng pagpaparaya at pasensya, pero nagdudulot nga ng mga pagkagambala sa gawain ang ilang bagay, at sa mga ganitong kaso, dapat malantad at maiwasto ang mga tao gamit ang mga partikular na hakbang na angkop sa tayog nila. Dahil dito, malalaman ng mga kapatid ang kanilang katiwalian at magagawang magsisi, magbago, at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ang ganitong uri ng pagbabahagi ay nakakatulong sa mga tao habang nakakabuti naman sa gawain ng iglesia. Sa mga pagkatantong ito, mas sumigla ang puso ko, at sumulat ako kay Zhou Fang, inilalantad ang kanyang mga problema. Kalaunan ay tumugon siya sa liham ko, sinasabing: “Salamat sa paglalantad at pagwawasto sa akin. Hindi ko inaasahang magiging ganito kabigat ang mga problema ko. Akala ko noon pa man na kaunting katiwalian lang ang nalalantad sa akin at na ayos lang ito hangga’t nagninilay-nilay ako at nakakahanap ng ilang salita ng Diyos para basahin. Wala akong kamalay-malay na nasa landas ako ng isang anticristo at mayroong mga problema sa pagkatao ko. Nakikita ko sa pagbabahagi at pagsusuri mo na taos-puso mo akong gustong tulungan. Handa akong tanggapin ito, at pagnilayan at kilalanin ang sarili ko.” Talagang naantig ako nang mabasa ang mga salitang ito. Naramdaman ko na parehong nakakabuti sa akin at sa iba ang pagsasagawa ayon sa salita ng Diyos, at naging magaan at matiwasay ang puso ko. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko na sa dati kong pagtitiwala sa mga ideya tulad ng “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang,” pinipinsala ako ni Satanas, at namumuhay ako sa isang makasarili, kasuklam-suklam, at mapanlinlang na buhay. Malinaw kong nakikita ngayon na tanging ang salita ng Diyos ang katotohanan at sa pamamagitan lang ng pagkilos at pagtrato sa mga bagay-bagay ayon sa salita ng Diyos tayo makakapamuhay bilang mga tao. Medyo mababaw ang karanasan ko, kaya kung mayroon kang anumang karagdagang kabatiran, maaari kang sumulat sa akin.

Chen xi

Setyembre 10, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman